Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 17
Sa huli nating pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa pagbitiw sa mga pasanin na nagmumula sa pamilya. Tumutukoy ito sa paksa ng pagbitiw ng isang tao sa mga ekspektasyon ng kanyang mga magulang. Ang mga ekspektasyong ito ay nagdudulot ng hindi nakikitang panggigipit sa bawat tao, hindi ba? (Oo.) Isa ang mga ito sa mga pasanin na nagmumula sa pamilya ng mga tao. Ang pagbitiw sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang ay nangangahulugan ng pagbitiw sa mga panggigipit at pasanin na idinudulot ng iyong mga magulang sa iyong buhay, pag-iral, at sa landas na tinatahak mo. Ibig sabihin, kapag nakakaapekto ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang sa landas na pinipili mo sa buhay, sa pagganap sa iyong tungkulin, sa iyong paglalakbay sa tamang landas, at sa iyong kalayaan, mga karapatan, at mga likas na gawi, nagdudulot ng panggigipit at pasanin sa iyo ang kanilang mga ekspektasyon. Ang mga pasaning ito ay mga bagay na dapat bitiwan ng mga tao sa kanilang buhay, pag-iral, at pananampalataya sa Diyos. Hindi ba’t napagbahaginan na natin dati ang paksang ito? (Oo.) Likas na tumutukoy sa napakaraming bagay ang mga ekspektasyon ng mga magulang ng isang tao, halimbawa, sa pag-aaral, trabaho, pag-aasawa, pamilya, at maging sa propesyon, mga inaasam, kinabukasan ng isang tao, at iba pa. Mula sa perspektiba ng isang magulang, ang bawat ekspektasyon nila sa kanilang anak ay lohikal, patas, at makatwiran. Walang ni isang magulang ang walang mga ekspektasyon sa kanyang anak. Maaaring mas marami o mas kaunti ang ekspektasyon nila, maaaring mas malaki o mas maliit, o maaaring may iba-iba silang ekspektasyon sa kanilang anak sa mga partikular na panahon. Umaasa sila na makakakuha ng magagandang marka ang kanilang anak, na magiging maayos ang trabaho ng mga ito, na magiging maganda ang kikitain ng mga ito, at na ang lahat ay magiging maayos at masaya kapag nag-asawa ang mga ito. Ang mga magulang ay may iba’t iba pa ngang ekspektasyon tungkol sa pamilya, propesyon, at mga inaasam ng kanilang anak. Mula sa perspektiba ng isang magulang, ang mga ekspektasyong ito ay talagang nararapat lang, ngunit sa perspektiba ng kanyang anak, ang iba’t ibang ekspektasyong ito ay lubos na nakasasagabal sa kanyang tamang pagpapasya, at nakakasagabal pa nga sa kanyang kalayaan, at sa mga karapatan o interes niya bilang isang normal na tao. Kasabay nito, nakakasagabal din ang mga ekspektasyong ito sa normal na paggamit ng kanyang kakayahan. Sa kabuuan, sa anumang perspektiba natin ito tingnan, kung ito man ay sa perspektiba ng isang magulang, o sa perspektiba ng kanyang anak, kung lumalampas ang mga ekspektasyon ng magulang sa saklaw ng kung ano ang kaya ng isang taong may normal na pagkatao, kung lumalampas ang mga ito sa saklaw ng kung ano ang kayang makamit ng mga likas na gawi ng isang taong may normal na pagkatao, o kung lumalampas ang mga ito sa mga karapatang pantao na dapat taglayin ng isang taong may normal na pagkatao, o sa mga tungkulin at obligasyong ibinibigay ng Diyos sa mga tao, at iba pa, kung gayon, ang mga ekspektasyong ito ay hindi tama at hindi makatwiran. Siyempre, maaari ding sabihin na hindi dapat magkaroon ng mga ekspektasyong ito ang mga magulang, at na hindi dapat umiiral ang mga ekspektasyong ito. Batay rito, dapat bitiwan ng mga anak ang mga ekspektasyong ito ng magulang. Ibig sabihin, kapag pinanghawakan ng mga magulang ang perspektiba o posisyon ng isang magulang, para sa kanila ay may karapatan silang umasa na gagawin ng kanilang anak ang ganito o ganyan, at na tatahakin ng kanilang anak ang isang partikular na landas, at pipiliin ang isang partikular na buhay, kapaligiran sa pag-aaral, o trabaho, pag-aasawa, pamilya, at iba pa. Gayunpaman, bilang mga normal na tao, hindi dapat panghawakan ng mga magulang ang perspektiba o posisyon ng isang magulang, hindi nila dapat gamitin ang kanilang pagkakakilanlan bilang magulang para hilingin sa kanilang anak na gawin ang anumang bagay na labas sa saklaw ng kanilang mga obligasyon bilang anak o lagpas pa sa kakayahan ng tao. Ni hindi sila dapat manghimasok sa iba’t ibang pasya ng kanilang anak, at hindi nila dapat ipilit sa anak nila ang kanilang mga ekspektasyon, ang kanilang mga kagustuhan, ang kanilang mga kakulangan at kawalang-kasiyahan, o ang alinman sa kanilang mga interes. Ito ay mga bagay na hindi dapat gawin ng mga magulang. Kapag nagkikimkim ang mga magulang ng mga ekspektasyon na hindi naman dapat, kailangang harapin ng kanilang anak ang mga ekspektasyong iyon nang tama. Ang higit na importante, dapat makilatis ng kanilang anak ang kalikasan ng mga ekspektasyong ito. Kung malinaw mong nakikita na ipinagkakait sa iyo ng mga ekspektasyon ng iyong mga magulang ang iyong mga karapatang pantao, at na ang mga ekspektasyong ito ay isang uri ng panghihimasok o panggugulo sa iyong pagpili sa mga positibong bagay at tamang landas, kung gayon dapat mong bitiwan ang mga ekspektasyong ito, at huwag pansinin ang mga ito. Dapat mong gawin ito dahil ito ang karapatan mo, ito ang karapatang ibinigay ng Diyos sa bawat nilikhang tao, at hindi dapat isipin ng mga magulang mo na may karapatan silang panghimasukan ang iyong landas sa buhay at ang iyong mga karapatang pantao, dahil lamang sa ipinanganak ka nila at na sila ang mga magulang mo. Samakatuwid, ang bawat nilikha ay may karapatang magsabi ng “hindi” sa anumang hindi makatwiran, hindi naaangkop, o maging sa hindi wastong ekspektasyon ng magulang. Pwedeng-pwede kang tumangging pasanin ang alinman sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang. Ang pagtangging tumanggap o pumasan ng alinman sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang ay ang paraan para maisagawa ang pagbitiw sa kanilang mga hindi wastong ekspektasyon.
Pagdating sa pagbitiw sa mga ekspektasyon ng magulang, anong mga katotohanan ang kailangang maunawaan ng mga tao? Ibig sabihin, alam mo ba kung sa anong mga katotohanan nakabatay ang pagbitiw ng isang tao sa mga ekspektasyon ng kanyang mga magulang, o kung anong mga katotohanang prinsipyo ang sinusunod nito? Kung naniniwala ka na ang mga magulang mo ang pinakamalapit na tao sa iyo sa buong mundo, na sila ang mga amo at lider mo, na sila ang mga taong nagsilang sa iyo at nagpalaki sa iyo, na nagbigay sa iyo ng mga pagkain, damit, tahanan, at transportasyon, na nag-alaga sa iyo, at na sila ang mga nagtaguyod sa iyo, magiging madali ba para sa iyo na bitiwan ang kanilang mga ekspektasyon? (Hindi.) Kung naniniwala ka sa mga bagay na ito, malamang na haharapin mo ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang mula sa pespektiba ng laman, at magiging mahirap para sa iyo na bitiwan ang alinman sa kanilang mga hindi naaangkop at hindi makatwirang ekspektasyon. Magagapos at mapipigilan ka ng kanilang mga ekspektasyon. Kahit na pakiramdam mo sa puso mo ay hindi ka nasisiyahan at ayaw mong gawin ito, hindi ka magkakaroon ng lakas ng loob na kumawala sa mga ekspektasyong ito, at wala kang magagawa kundi hayaan itong likas na magpatuloy. Bakit kailangan mong hayaan na lang ito na likas na magpatuloy? Dahil kung bibitiwan mo ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, at babalewalain o tatanggihan ang alinman sa kanilang mga ekspektasyon, mararamdaman mo na isa kang hindi mabuting anak, na wala kang utang na loob, na binigo mo ang iyong mga magulang, at na hindi ka mabuting tao. Kung titingin ka mula sa perskpektiba ng laman, gagawin mo ang lahat ng iyong makakaya para magamit ang iyong konsensiya sa pagsukli sa kabutihan ng iyong mga magulang, para matiyak na hindi naging walang saysay ang paghihirap na dinanas ng iyong mga magulang alang-alang sa iyo, at na gugustuhin mo ring matupad ang kanilang mga ekspektasyon. Sisikapin mong isakatuparan ang lahat ng hinihiling nilang gawin mo, para hindi sila mabigo, para gawin ang tama para sa kanila, at magpapasya kang alagaan sila kapag sila ay matanda na, para masiguro na masaya ang kanilang mga huling taon sa buhay, at mas mag-iisip ka pa nga nang kaunti, sa pag-aasikaso sa kanilang mga lamay, nagbibigay-kasiyahan sa kanila kasabay ng pagtupad sa sarili mong pagnanais na maging isang mabuting anak. Habang nabubuhay sa mundong ito, naiimpluwensyahan ang mga tao ng iba’t ibang uri ng pampublikong opinyon at panlipunang klima, pati rin ng iba’t ibang kaisipan at pananaw na popular sa lipunan. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, maaari lamang nilang tingnan ang mga bagay na ito mula sa perspektiba ng mga nararamdaman ng laman, at kasabay nito, maaari lamang nilang pangasiwaan ang mga bagay na ito mula sa perspektibang iyon. Sa panahong ito, iisipin mo na gumagawa ang mga magulang mo ng maraming bagay na hindi dapat ginagawa ng isang magulang, hanggang sa mamumuhi at masusuklam ka pa nga sa kaibuturan ng iyong puso sa ilang kilos at pag-uugali ng iyong mga magulang, pati na sa kanilang pagkatao, karakter, at sa kanilang mga pamamaraan at diskarte sa paggawa ng mga bagay-bagay, ngunit gugustuhin mo pa ring maging isang mabuting anak para sila ay bigyang-karangalan at kasiyahan, at hindi ka mangangahas na pabayaan sila sa anumang paraan. Sa isang aspekto, gagawin mo ito upang hindi ka itaboy ng lipunan, at sa isa pang aspekto, upang matugunan ang mga pangangailangan ng iyong konsensiya. Ang mga pananaw na ito ay ikinintal lahat sa iyo ng sangkatauhan at ng lipunan, kaya magiging napakahirap para sa iyo na pangasiwaan ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang at ang relasyon mo sa kanila sa makatwirang paraan. Mapipilitan kang harapin sila bilang isang mabuting anak, na hindi magprotesta laban sa anumang kilos ng iyong mga magulang; wala kang ibang mapagpipilian, ito lamang ang magagawa mo, at dahil dito, mas magiging mahirap para sa iyo na bitiwan ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang. Kung tunay mong bibitiwan ang mga ito sa loob ng puso mo, kakailanganin mo pa ring tiisin ang isa pang pasanin o kagipitan—ang pagkondena ng lipunan, ng iyong kamag-anak, at ng iyong kalapit na pamilya. Kakailanganin mo pa ngang tiisin ang pagkondena, pagtakwil, mga sumpa, at pangungutya na nagmumula sa kaibuturan ng iyong puso, na nagsasabing wala kang kwenta, na hindi ka isang mabuting anak, na wala kang utang na loob, o maging mga bagay na gaya ng, “Isa kang walang malasakit na ingrata, suwail ka, hindi ka pinalaki nang maayos ng nanay mo” na sinasabi ng mga tao sa sekular na lipunan—sa madaling salita, lahat ng uri ng hindi kaaya-ayang bagay. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, masasadlak ka sa ganitong uri ng suliranin. Ibig sabihin, kapag makatwiran mong binitiwan ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang sa kaibuturan ng iyong puso, o kapag atubili mong binitiwan ang mga ito, uusbong sa kailaliman ng puso mo ang isa pang uri ng pasanin o kagipitan; ang kagipitang ito ay nagmumula sa lipunan at sa epekto ng iyong konsensiya. Kaya, paano mo mabibitiwan ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang? May landas para malutas ang problemang ito. Hindi ito mahirap—kailangang pagsikapan ng mga tao ang katotohanan, at humarap sa Diyos para hanapin at unawain ang katotohanan, pagkatapos ay malulutas ang problema. Kaya, anong aspekto ng katotohanan ang kailangan mong maunawaan para hindi ka matakot na pasanin ang pagkondena ng opinyon ng publiko, o ang pagkondena ng iyong konsensiya sa kaibuturan ng iyong puso, o ang pagtuligsa at berbal na pang-aabuso ng iyong mga magulang kapag binitiwan mo ang mga ekspektasyon nila? (Na tayo ay mga nilikha lamang sa harap ng Diyos. Sa mundong ito, hindi lamang natin dapat gampanan ang ating mga responsabilidad sa ating mga magulang, ang mas mahalaga, dapat nating gawin nang maayos ang ating mga tungkulin at tuparin ang ating mga obligasyon. Kung malinaw natin itong mauunawaan, marahil ay hindi tayo masyadong maiimpluwensiyahan ng ating mga magulang o ng pagkondena ng opinyon ng publiko kapag binitiwan natin ang mga ekspektasyon ng ating mga magulang sa hinaharap.) Sino pa ang magsasalita tungkol dito? (Nitong huli, nakipagbahaginan ang Diyos tungkol sa kung paanong, kapag umalis tayo sa ating mga tahanan para gampanan ang ating mga tungkulin, na sa isang aspekto ay dahil sa mga obhektibong sitwasyon—kailangan nating iwan ang ating mga magulang para magawa ang ating mga tungkulin, kaya hindi natin sila maaalagaan—hindi naman sa pinipili nating iwan sila dahil umiiwas tayo sa ating mga responsabilidad. Sa isa pang aspekto, nililisan natin ang ating mga tahanan dahil tinawag tayo ng Diyos para gampanan ang ating mga tungkulin, kaya hindi natin masasamahan ang ating mga magulang, ngunit nag-aalala pa rin tayo sa kanila—ibang kaso ito sa pag-ayaw nating gampanan ang ating mga responsabilidad sa kanila at sa hindi pagiging mabuting anak.) Ang dalawang dahilang ito ay mga katotohanan at katunayang dapat maunawaan ng mga tao. Kung nauunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito, kapag binitiwan nila ang mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang, mas magiging kalmado nang kaunti at mas mapapapaya ang pakiramdam nila sa kaibuturan ng kanilang puso, ngunit malulutas ba nito ang ugat ng problemang ito? Kung hindi dahil sa impluwensiya ng mas malalaking panlabas na sitwasyon, mauugnay ba ang kapalaran mo sa kapalaran ng iyong mga magulang? Kung hindi ka nananampalataya sa Diyos, at ginugugol at pinalilipas mo ang iyong mga araw sa normal na paraan, sigurado bang masasamahan mo ang iyong mga magulang? Talaga bang magagawa mong maging isang mabuting anak? Talaga bang magagawa mong manatili sa tabi nila at suklian ang kanilang kabutihan? (Hindi ito tiyak.) Mayroon bang sinuman na kumikilos lamang para suklian ang kabutihan ng kanilang mga magulang sa buong buhay nila? (Wala.) Walang ganoong tao. Samakatuwid, dapat mong malaman ang bagay na ito at makilala ang diwa nito mula sa ibang perspektiba. Ito ang mas malalim na katotohanan na dapat mong maunawaan sa usaping ito. Isa rin itong katunayan, at higit pa roon, ito ang diwa ng mga bagay na ito. Ano ang mga katotohanang dapat mong maunawaan sa loob ng pagbitiw sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang? Sa isang aspekto, dapat mong maunawaan na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang; sa ibang aspekto, dapat mong maunawaan na hindi ang mga magulang mo ang mga tagapamahala ng iyong buhay o ng iyong kapalaran. Hindi ba’t ito ang katotohanan? (Ito nga.) Kung nauunawaan mo ang dalawang katotohanang ito, hindi ba’t magiging mas madali para sa iyo na bitiwan ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang? (Oo.)
Una, pag-uusapan natin ang aspektong ito ng katotohanan: “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang.” Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang—ano ang tinutukoy nito? Hindi ba’t tumutukoy ito sa kabutihang ipinakita sa iyo ng iyong mga magulang sa pagpapalaki sa iyo? (Oo.) Pinakitaan ka ng iyong mga magulang ng kabutihan sa pamamagitan ng pagpapalaki sa iyo, kaya’t napakahirap para sa iyo na bitiwan ang iyong relasyon sa kanila. Iniisip mo na kailangan mong suklian ang kanilang kabutihan, kung hindi, hindi ka magiging isang mabuting anak; naniniwala ka na dapat mo silang pakitaan ng katapatan bilang iyong mga magulang, na dapat mong sundin ang bawat salita nila, na dapat mong tugunan ang bawat nais at hinihingi nila, at higit pa rito, hindi mo sila dapat biguin—naniniwala ka na ganito ang pagsukli sa kanilang kabutihan. Siyempre, ang ilang tao ay may magandang trabaho at kumikita ng malaki, at binibigyan nila ang kanilang mga magulang ng ilang materyal na kasiyahan at ng isang magandang materyal na buhay, na tinutulutan ang kanilang mga magulang na tamasahin ang mga ito, at nagbibigay-daan sa kanilang mga magulang na mas mamuhay nang maayos. Halimbawa, sabihin nang binibilhan mo ng bahay at kotse ang iyong mga magulang, dinadala mo sila sa mararangyang restawran para kumain ng lahat ng uri ng delicacy, at dinadala mo sila sa mga destinasyong pangturista at nagbu-book ka ng mararangyang hotel para sa kanila, para mapasaya sila at maipatamasa sa kanila ang mga bagay na ito. Ginagawa mo ang lahat ng bagay na ito para suklian ang kabutihan ng iyong mga magulang, para maramdaman ng iyong mga magulang na may nakukuha silang kapalit sa pagpapalaki sa iyo at pagmamahal sa iyo, at na hindi mo sila binigo. Sa isang aspekto, ginagawa mo ito para makita ng iyong mga magulang, sa isa pang aspekto, ginagawa mo ito para makita ng mga tao sa paligid mo, para makita ng lipunan, at kasabay nito ay ginagawa mo ang iyong makakaya para matugunan ang mga pangangailangan ng iyong konsensiya. Paano mo man ito tingnan, anuman ang sinusubukan mong tugunan, ano’t anuman, ginagawa mo ang lahat ng ito, sa malaking bahagi, para masuklian ang kabutihan ng iyong mga magulang, at ang diwa ng mga kilos na ito ay ang suklian ang kabutihang ipinakita sa iyo ng iyong mga magulang sa pagpapalaki sa iyo. Kaya, bakit mayroon ka ng ideyang ito ng pagsukli sa kabutihan ng iyong mga magulang? Ito ay dahil naniniwala ka na isinilang ka ng iyong mga magulang, at na hindi naging madali para sa kanila na palakihin ka; sa ganitong paraan, hindi namamalayan na nagiging pinagkakautangan mo ang iyong mga magulang. Iniisip mo na may utang ka sa iyong mga magulang, at na dapat mo silang suklian. Naniniwala ka na sa pamamagitan ng pagsukli sa kanila, saka ka lang magkakaroon ng pagkatao, at magiging isang tunay na mabuting anak, at na ang pagsukli sa kanila ang moral na pamantayang dapat taglayin ng isang tao. Kaya, sa diwa ay lumilitaw ang mga ideya, pananaw, at kilos na ito dahil naniniwala ka na may utang ka sa iyong mga magulang, at na dapat mo silang suklian; sa malaking bahagi, pinagkakautangan mo ang iyong mga magulang, ibig sabihin, naniniwala ka na may utang ka sa kanila dahil sa kabutihang ipinakita nila sa iyo. Ngayon na may kakayahan ka nang suklian sila at bumawi sa kanila, gagawin mo ito—ayon sa iyong mga kakayahan, gumagamit ka ng pera at pagmamahal para makabawi sa kanila. Kaya, ang paggawa ba nito ay pagpapakita ng tunay na pagkatao? Ito ba ay isang tunay na prinsipyo ng pagsasagawa? (Hindi.) Bakit Ko sinasabi na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang? Sapagkat “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang” ang katotohanan, kung itinuturing mo ang iyong mga magulang bilang ang iyong mga tagapagtaguyod at pinagkakautangan, at kung ang lahat ng ginagawa mo ay para masuklian sila sa kanilang kabutihan, tama ba ang ideya at pananaw na ito? (Hindi.) Hindi ba’t ang “hindi” na iyan ay sinasabi nang may pag-aatubili? Alin sa mga pahayag na ito ang katotohanan: “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang” o “Ang mga magulang mo ang mga nagtaguyod sa iyo, at kailangan mo silang suklian”? (“Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang” ang katotohanan.) Dahil “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang” ang katotohanan, kung gayon, ang pahayag ba na “Ang mga magulang mo ang mga nagtaguyod sa iyo, at kailangan mo silang suklian” ang katotohanan? (Hindi.) Hindi ba’t sumasalungat ito sa pahayag na: “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang”? (Oo.) Hindi mahalaga kung alin sa mga pahayag na ito ang nagpaparamdam sa iyong inuusig ka ng iyong konsensiya—ano ang mahalaga? Ang mahalaga ay kung alin sa mga pahayag na ito ang katotohanan. Dapat mong tanggapin ang pahayag na siyang katotohanan, kahit na dama mong hindi komportable at inuusig ang iyong konsensiya, dahil ito ang katotohanan. Bagamat ang pahayag na “Ang mga magulang mo ang mga nagtaguyod sa iyo, at kailangan mo silang suklian” ay naaayon sa mga moral na pamantayan sa pagkatao ng isang tao, at sa kamalayan ng konsensiya ng tao, hindi ito ang katotohanan. Kahit dama mong nasisiyahan at komportable ang iyong konsensiya sa pahayag na ito, dapat mo itong bitiwan. Ito ang saloobing dapat mong taglayin pagdating sa pagtanggap sa katotohanan. Kaya, sa pagitan ng “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang” at “Ang mga magulang mo ang mga nagtaguyod sa iyo, at kailangan mo silang suklian,” aling pahayag ang mas komportable sa pandinig, mas naaayon sa pagkatao at sa iyong konsensiya, at mas naaayon sa mga moral na pamantayan ng sangkatauhan? (Ang ikalawang pahayag.) Bakit ang ikalawang pahayag? Dahil ito ay tumutugon at nagbibigay-kasiyahan sa emosyonal na pangangailangan ng tao. Gayunpaman, hindi ito ang katotohanan, at kinasusuklaman ito ng Diyos. Kaya, hindi ba komportable ang mga tao sa pahayag na “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang”? (Hindi sila komportable rito.) Ano ang nararamdaman at nahihiwatigan ng mga tao pagkatapos marinig ang pahayag na ito? (Na medyo wala itong konsensiya.) Pakiramdam nila ay medyo wala itong damdamin ng tao, hindi ba? (Ganoon nga.) Sinasabi ng ilang tao, “Kung ang isang tao ay walang damdamin ng tao, tao pa rin ba siya?”—kung ang mga tao ay walang damdamin ng tao, tao ba sila? Ang pahayag na “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang” ay parang walang damdamin ng tao, ngunit ito ay isang katunayan. Kung haharapin mo sa makatwirang paraan ang relasyon mo sa iyong mga magulang, matutuklasan mo na malinaw na ipinaliwanag ng pahayag na “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang” ang relasyon ng bawat tao sa kanilang magulang mula sa pinakaugat nito, at ang diwa at ugat ng mga relasyon sa pagitan ng mga tao. Kahit hindi komportable ang iyong konsensiya dahil dito, at hindi nito natutugunan ang iyong mga emosyonal na pangangailangan, isa pa rin itong katunayan, at isa pa rin itong katotohanan. Maaaring magbigay-kakayahan sa iyo ang katotohanang ito na harapin nang makatwiran at tama ang kabutihang ipinakita sa iyo ng iyong mga magulang sa pagpapalaki sa iyo. Maaari ka rin nitong bigyang-kakayahan na harapin nang makatwiran at tama ang alinman sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang. Natural na mas mabibigyan ka nito ng kakayahang harapin nang makatwiran at tama ang relasyon mo sa iyong mga magulang. Kung magagawa mong harapin ang relasyon mo sa iyong mga magulang nang ganoon, kung gayon, mapangangasiwaan mo ito sa makatwirang paraan. Sinasabi ng ilang tao: “Ang mga katotohanang ito ay napakahusay na naipahayag, at tila labis na nakakapukaw ng damdamin, ngunit bakit kapag naririnig ito ng mga tao, pakiramdam nila ay medyo imposible itong makamit? Lalo na ang ‘Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang’—bakit kaya pagkatapos marinig ang katotohanang ito ay nararamdaman ng mga tao na ang kanilang relasyon sa kanilang mga magulang ay lalong nalalayo? Bakit pakiramdam nila ay walang pagmamahal sa pagitan nila at ng kanilang mga magulang?” Sinasadya bang ilayo ng katotohanan ang mga tao sa isa’t isa? Sinasadya ba ng katotohanan na putulin ang ugnayan ng mga tao sa kanilang mga magulang? (Hindi.) Kaya, anong mga resulta ang maaaring makamit sa pag-unawa sa katotohanang ito? (Ang pag-unawa sa katotohanang ito ay makapagbibigay-kakayahan sa atin na makita kung ano ba talaga ang relasyon natin sa ating mga magulang—sinasabi sa atin ng katotohanang ito ang tunay na kalikasan ng usaping ito.) Tama iyan, binibigyang-kakayahan ka nitong makita ang tunay na kalikasan ng usaping ito, upang maharap at mapangasiwaan ang mga bagay na ito nang makatwiran, at hindi mamuhay sa loob ng iyong pagmamahal o sa mga ugnayan ng mga tao sa laman, tama ba?
Pag-usapan natin kung paano dapat bigyang-kahulugan ang “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang.” Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang—hindi ba’t katunayan ito? (Oo.) Dahil ito ay katunayan, nararapat lang na ipaliwanag natin ang mga usaping nakapaloob dito. Tingnan natin ang usapin ng pagsilang ng iyong mga magulang sa iyo. Sino ba ang nagpasyang ipanganak ka nila: ikaw o ang iyong mga magulang? Sino ang pumili kanino? Kung titingnan mo ito mula sa perspektiba ng Diyos, ang sagot ay: wala sa inyo. Hindi ikaw o ang mga magulang mo ang nagpasyang ipanganak ka nila. Kung titingnan mo ang ugat ng usaping ito, ito ay inorden ng Diyos. Isasantabi muna natin ang paksang ito sa ngayon, dahil madaling maunawaan ng mga tao ang usaping ito. Mula sa iyong perspektiba, wala sa kontrol mo na ipinanganak ka ng iyong mga magulang, wala kang anumang pagpipilian sa usaping ito. Mula sa perspektiba ng iyong mga magulang, kusang-loob ka nilang ipinanganak, hindi ba? Sa madaling salita, kung isasantabi ang pag-orden ng Diyos, pagdating sa usapin ng pagsilang sa iyo, nasa iyong mga magulang ang lahat ng kapangyarihan. Pinili nilang ipanganak ka, at sila ang may kontrol sa lahat. Hindi mo piniling ipanganak ka nila, wala kang kontrol nang isilang ka nila, at wala kang magagawa sa bagay na iyon. Kaya, sapagkat nasa mga magulang mo ang lahat ng kapangyarihan, at pinili nilang ipanganak ka, mayroon silang obligasyon at responsabilidad na itaguyod ka, palakihin hanggang sa hustong gulang, tustusan ka ng edukasyon, pagkain, mga damit, at pera—ito ang kanilang responsabilidad at obligasyon, at ito ang dapat nilang gawin. Samantala, palagi kang pasibo sa panahong pinalalaki ka nila, wala kang karapatang mamili—kinailangang palakihin ka nila. Dahil bata ka pa noon, wala kang kapasidad na palakihin ang iyong sarili, wala kang magagawa kundi maging pasibo habang pinalalaki ka ng iyong mga magulang. Pinalaki ka sa paraang pinili ng iyong mga magulang, kung binibigyan ka nila ng masasarap na pagkain at inumin, kung gayon ay kumakain ka at umiinom ng masasarap na pagkain at inumin. Kung binibigyan ka ng iyong mga magulang ng kapaligiran sa pamumuhay kung saan nabubuhay ka sa mga simpleng pagkain, kung gayon, nabubuhay ka sa mga simpleng pagkain. Sa alinmang paraan, noong pinalalaki ka nila, ikaw ay pasibo, at ginagampanan ng mga magulang mo ang kanilang responsabilidad. Katulad ito ng pag-aalaga ng iyong mga magulang sa isang bulaklak. Dahil gusto nilang alagaan ang isang bulaklak, dapat nila itong lagyan ng pataba, diligan, at tiyaking nasisikatan ito ng araw. Kaya naman, patungkol sa mga tao, hindi mahalaga kung metikuloso kang inalagaan ng iyong mga magulang o inaruga ka nila nang mabuti, sa alinmang paraan, ginagampanan lang nila ang kanilang responsabilidad at obligasyon. Anuman ang dahilan kung bakit ka nila pinalaki, responsabilidad nila ito—dahil ipinanganak ka nila, dapat silang maging responsable sa iyo. Batay rito, maituturing bang kabutihan ang lahat ng ginawa ng iyong mga magulang para sa iyo? Hindi maaari, hindi ba? (Tama.) Ang pagtupad ng iyong mga magulang sa kanilang responsabilidad sa iyo ay hindi maituturing na kabutihan, kaya kung tinutupad nila ang kanilang responsabilidad sa isang bulaklak o sa isang halaman, dinidiligan at pinatataba ito, maituturing ba iyon na kabutihan? (Hindi.) Higit pa ngang malayo iyon sa pagiging mabuti. Ang mga bulaklak at halaman ay mas tumutubo nang maayos kapag nasa labas—kung ang mga ito ay itinatanim sa lupa, nang may hangin, araw, at ulan, lumalago ang mga ito. Hindi tumutubo ang mga ito nang maayos kapag itinanim sa isang paso sa loob ng bahay, hindi tulad ng pagtubo ng mga ito sa labas, ngunit saan man naroroon ang mga ito, nabubuhay ang mga ito, tama ba? Nasaan man ang mga ito, inorden ito ng Diyos. Ikaw ay isang buhay na tao, at inaako ng Diyos ang responsabilidad sa bawat buhay, tinutulutan itong mabuhay, at sumunod sa batas na sinusunod ng lahat ng nilikha. Ngunit bilang isang tao, namumuhay ka sa kapaligiran kung saan ka pinalaki ng iyong mga magulang, kaya dapat kang lumaki at umiral sa kapaligirang iyon. Sa mas malaking antas, ang pamumuhay mo sa kapaligirang iyon ay dahil sa pag-orden ng Diyos; sa mas maliit na antas, ito ay dahil sa pagpapalaki sa iyo ng iyong mga magulang, tama? Sa alinmang paraan, sa pamamagitan ng pagpapalaki sa iyo, tinutupad ng iyong mga magulang ang isang responsabilidad at obligasyon. Ang palakihin ka hanggang sa hustong gulang ay obligasyon at responsabilidad nila, at hindi ito matatawag na kabutihan. Kung hindi ito matatawag na kabutihan, hindi ba’t isa itong bagay na dapat mong matamasa? (Ganoon na nga.) Ito ay isang uri ng karapatan na dapat mong matamasa. Dapat kang palakihin ng iyong mga magulang, dahil bago ka umabot sa hustong gulang, ang papel na ginagampanan mo ay ang pagiging isang anak na pinalalaki. Samakatuwid, tinutupad lang ng iyong mga magulang ang responsabilidad nila sa iyo at tinatanggap mo lang ito, ngunit tiyak na hindi nito ibig sabihin na tumatanggap ka ng biyaya o kabutihan mula sa kanila. Para sa anumang buhay na nilalang, ang pagbubuntis at pag-aalaga sa mga supling, pag-aanak, at pagpapalaki sa susunod na henerasyon ay isang uri ng responsabilidad. Halimbawa, ang mga ibon, baka, tupa, at maging ang mga tigre ay kailangang mag-alaga sa kanilang mga supling pagkatapos nilang manganak. Walang buhay na nilalang na hindi nagpapalaki ng kanilang mga supling. Posibleng mayroong ilang eksepsiyon, ngunit hindi ganoon karami. Ito ay isang likas na penomena sa pag-iral ng mga buhay na nilalang, ito ay isang likas na gawi ng mga buhay na nilalang, at hindi ito maiuugnay sa kabutihan. Sumusunod lamang sila sa batas na itinakda ng Lumikha para sa mga hayop at sangkatauhan. Samakatuwid, ang pagpapalaki sa iyo ng iyong mga magulang ay hindi isang kabutihan. Batay rito, masasabi na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang. Tinutupad nila ang kanilang responsabilidad sa iyo. Gaano man kalaki ang pagsisikap at perang ginugugol nila sa iyo, hindi nila dapat hilingin sa iyo na suklian sila, dahil ito ang kanilang responsabilidad bilang mga magulang. Dahil ito ay isang responsabilidad at isang obligasyon, dapat na libre ito, at hindi sila dapat humingi ng kabayaran. Sa pagpapalaki sa iyo, ginagampanan lamang ng iyong mga magulang ang kanilang responsabilidad at obligasyon, at hindi ito dapat binabayaran, at hindi ito dapat isang transaksiyon. Kaya, hindi mo kailangang harapin ang iyong mga magulang o pangasiwaan ang iyong relasyon sa kanila ayon sa ideya ng pagsukli sa kanila. Kung talaga ngang tinatrato mo ang iyong mga magulang, sinusuklian sila, at pinangangasiwaan ang iyong relasyon sa kanila ayon sa ideyang ito, hindi iyon makatao. Kasabay nito, malamang na mapipigilan at magagapos ka ng mga damdamin ng iyong laman, at mahihirapan kang makalabas sa mga obligasyong ito, hanggang sa maaaring maligaw ka pa. Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang, kaya wala kang obligasyon na isakatuparan ang lahat ng ekspektasyon nila. Wala kang obligasyong magbayad para sa mga ekspektasyon nila. Ibig sabihin, maaari silang magkaroon ng sarili nilang mga ekspektasyon. May sarili kang mga pasya, at ang landas sa buhay at tadhana na itinakda ng Diyos para sa iyo, na walang kinalaman sa iyong mga magulang. Kaya, kapag sinabi ng isa sa iyong mga magulang na: “Hindi ka mabuting anak. Hindi ka bumalik para makita ako sa loob ng napakaraming taon, at napakaraming araw na ang nakalipas mula noong huli mo akong tawagan. May sakit ako at walang nag-aalaga sa akin. Wala talagang saysay ang pagpapalaki ko sa iyo. Talagang isa kang walang malasakit na ingrata, at walang utang na loob na anak!” kung hindi mo nauunawaan ang katotohanang “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang,” kapag narinig mo ang mga salitang ito, magiging kasingsakit ito ng isang kutsilyo na sumasaksak sa puso mo, at mararamdaman mo ang pagkondena ng iyong konsensiya. Babaon ang bawat isa sa mga salitang ito sa puso mo, at mahihiya kang harapin ang iyong magulang, pakiramdam mo ay may utang na loob ka sa kanya, at lubos kang makokonsensiya sa kanila. Kapag sinabi ng iyong magulang na isa kang walang malasakit na ingrata, talagang mararamdaman mong: “Tama talaga siya. Pinalaki niya ako hanggang sa edad na ito, at hindi pa niya natamasa ang aking tagumpay. Ngayon ay may sakit siya, at umaasa siya na makakapanatili ako sa kanyang tabi, pinagsisilbihan at sinasamahan siya. Kailangan niya ako para masuklian ang kanyang kabutihan, pero wala ako roon. Isa talaga akong walang malasakit na ingrata!” Ituturing mo ang iyong sarili bilang isang walang malasakit na ingrata—makatwiran ba iyon? Isa ka bang walang malasakit na ingrata? Kung hindi mo nilisan ang iyong tahanan para gampanan ang iyong tungkulin sa ibang lugar, at nanatili ka sa tabi ng iyong magulang, mapipigilan mo kaya ang pagkakasakit niya? (Hindi.) Makokontrol mo ba kung mabubuhay o mamamatay ang mga magulang mo? Makokontrol mo ba kung sila ay mayaman o mahirap? (Hindi.) Anuman ang sakit na makukuha ng iyong mga magulang, hindi iyon dahil sa pagod na pagod sila sa pagpapalaki sa iyo, o dahil sa nangulila sila sa iyo; lalong hindi sila magkakaroon ng alinman sa mga malubha, seryoso, at posibleng nakamamatay na sakit nang dahil sa iyo. Kapalaran nila iyon, at wala itong kinalaman sa iyo. Gaano ka man kabuting anak sa iyong mga magulang, ang pinakamainam na magagawa mo ay bawasan nang kaunti ang pagdurusa ng kanilang laman at ang kanilang mga pasanin, ngunit tungkol sa pagkakasakit nila, anong sakit ang nakukuha nila, kailan sila mamamatay, at saan sila mamamatay—may kinalaman ba ang mga bagay na ito sa iyo? Wala, walang kinalaman ang mga ito. Kung mabuti kang anak, kung hindi ka isang walang malasakit na ingrata, at ginugugol mo ang buong araw kasama sila, binabantayan sila, hindi ba sila magkakasakit? Hindi ba sila mamamatay? Kung magkakasakit sila, hindi ba’t magkakasakit pa rin naman talaga sila? Kung mamamatay sila, hindi ba’t mamamatay pa rin naman talaga sila? Hindi ba’t tama iyon? Kung sinabi ng iyong mga magulang noon na isa kang walang malasakit na ingrata, na wala kang konsensiya, at na isa kang walang utang na loob na anak, sasama kaya ang loob mo? (Oo.) Paano naman kung ngayon nila ito sasabihin? (Hindi sasama ang loob ko ngayon.) Kung gayon, paano nalutas ang problemang ito? (Dahil nagbahagi ang Diyos na kung magkasakit man o hindi ang aming mga magulang at mabuhay man sila o mamatay, wala itong kinalaman sa amin, lahat ito ay inorden ng Diyos. Kung mananatili kami sa tabi nila, wala kaming magagawa, kaya, kung sasabihin nilang kami ay walang masakit na ingrata, wala itong kinalaman sa amin.) Hindi mahalaga kung tawagin ka ng iyong mga magulang na isang walang malasakit na ingrata, ang mahalaga ay ginagawa mo ang tungkulin ng isang nilikha sa harap ng Lumikha. Hangga’t hindi ka isang walang malasakit na ingrata sa mga mata ng Diyos, sapat na iyon. Hindi mahalaga kung ano ang sasabihin ng mga tao. Ang sinasabi ng iyong mga magulang tungkol sa iyo ay hindi tiyak na totoo, at ang sinasabi nila ay hindi kapaki-pakinabang. Kailangan mong gawing iyong batayan ang mga salita ng Diyos. Kung sinasabi ng Diyos na ikaw ay isang sapat na nilikha, kung gayon, hindi mahalaga kung tinatawag ka ng mga tao na isang walang malasakit na ingrata, wala silang anumang mapapala. Kaya lang sadyang maaapektuhan ang mga tao sa mga insultong ito dahil sa epekto ng kanilang konsensiya, o kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan at maliit ang kanilang tayog, at medyo hindi magiging maganda ang lagay ng kanilang kalooban, at makararamdam sila ng kaunting depresyon, ngunit kapag bumalik sila sa harap ng Diyos, ang lahat ng ito ay malulutas, at hindi na magiging problema para sa kanila. Hindi ba’t nalutas na ang usapin ng pagsukli sa kabutihan ng mga magulang? Naiintindihan mo ba ang usaping ito? (Oo.) Ano ang katunayang kailangang maunawaan ng mga tao rito? Ang pagpapalaki sa iyo ay responsabilidad ng iyong mga magulang. Pinili nilang ipanganak ka, kaya may responsabilidad at obligasyon silang palakihin ka. Sa pamamagitan ng pagpapalaki sa iyo hanggang sa hustong gulang, tinutupad nila ang kanilang responsabilidad at obligasyon. Wala kang anumang utang sa kanila, kaya hindi mo sila kailangang suklian. Hindi mo sila kailangang suklian—malinaw na ipinapakita nito na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang, at na hindi mo kailangang gumawa ng anumang bagay para sa kanila bilang kapalit sa kanilang kabutihan. Kung pinahihintulutan ka ng iyong mga sitwasyon na magampanan nang kaunti ang responsabilidad mo sa kanila, kung gayon ay gawin mo ito. Kung hindi mo magagampanan ang iyong obligasyon sa kanila dahil sa iyong kapaligiran at mga sitwasyon, kung gayon ay hindi mo na ito kailangang masyadong pag-isipan, at hindi mo dapat isipin na may utang ka sa kanila, dahil hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang. Hindi mahalaga kung maging mabuting anak ka sa iyong mga magulang, o gampanan mo ang iyong responsabilidad sa kanila, pinanghahawakan mo lang ang perspektiba ng isang anak at ginagampanan ang kaunting responsabilidad mo sa mga taong minsang nagsilang at nagpalaki sa iyo. Ngunit tiyak na hindi mo ito maaaring gawin mula sa perspektiba ng pagsukli sa kanila, o mula sa perspektiba ng “Ang mga magulang mo ang mga nagtaguyod sa iyo, at kailangan mo silang suklian, dapat mong suklian ang kanilang kabutihan.”
May kasabihan sa mundo ng mga walang pananampalataya: “Sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina.” Nariyan din ang kasabihang ito: “Ang isang taong walang galang sa magulang ay mas mababa pa kaysa sa hayop.” Napakaganda pakinggan ng mga kasabihang ito! Sa totoo lang, ang penomena na binabanggit ng unang kasabihang, sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina, ay talagang umiiral, at ang mga ito ay katunayan. Gayunpaman, ang mga ito ay penomena lamang sa loob ng mundo ng hayop. Ang mga ito ay isang uri lang ng batas na itinatag ng Diyos para sa iba’t ibang buhay na nilalang, na sinusunod ng lahat ng uri ng buhay na nilalang, kabilang na ang mga tao. Ang katunayan na ang lahat ng uri ng buhay na nilalang ay sumusunod sa batas na ito ay higit na nagpapakita na ang lahat ng buhay na nilalang ay nilikha ng Diyos. Walang buhay na nilalang ang maaaring lumabag sa batas na ito, at walang buhay na nilalang ang makakalampas dito. Kahit na ang mga medyo mabangis na karniboro tulad ng mga leon at tigre ay nag-aalaga sa kanilang mga supling at hindi nila kinakagat ang mga ito bago umabot sa hustong gulang ang mga ito. Ito ay likas na gawi ng isang hayop. Anuman ang kanilang species, sila man ay mabangis o mabait at maamo, lahat ng hayop ay nagtataglay ng ganitong likas na gawi. Ang lahat ng uri ng nilalang, kabilang ang mga tao, ay maaari lamang magpatuloy na dumami at mabuhay sa pamamagitan ng pagsunod sa likas na gawi at batas na ito. Kung hindi sila sumusunod sa batas na ito, o wala silang ganitong batas at likas na gawi, hindi sila makapagpaparami at mabubuhay. Hindi iiral ang biological chain, at gayundin ang mundong ito. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina ay tumpak na nagpapakita na ang mundo ng hayop ay sumusunod sa ganitong uri ng batas. Ang lahat ng uri ng buhay na nilalang ay may ganitong likas na gawi. Sa sandaling maipanganak ang mga supling, sila ay inaalagaan at tinutustusan ng mga babae o lalaki ng species na iyon hanggang sa umabot sila sa hustong gulang. Kayang gampanan ng lahat ng uri ng buhay na nilalang ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon sa kanilang mga supling, matapat at masigasig na pinapalaki ang susunod na henerasyon. Mas lalong totoo ito pagdating sa mga tao. Ang mga tao ay tinatawag ng sangkatauhan bilang mas matataas na antas ng hayop—kung hindi nila masusunod ang batas na ito, at wala sila ng likas na gawing ito, kung gayon, ang mga tao ay mas mababa kaysa sa mga hayop, hindi ba? Samakatuwid, gaano ka man tinutustusan ng iyong mga magulang habang pinapalaki ka nila, at gaano man nila ginagampanan ang kanilang responsabilidad sa iyo, ginagawa lang nila ang dapat nilang gawin sa loob ng saklaw ng mga kakayahan ng isang nilikhang tao—likas na gawi nila ito. Tingnan mo na lang ang mga ibon, sa loob ng higit isang buwan bago ang panahon ng pagsasamang-dingas, palagi silang naghahanap ng ligtas na lugar para gawin ang kanilang mga pugad. Ang mga ibon na lalaki at babae ay nagsasalitan sa paglabas, nagdadala ng iba’t ibang uri ng halaman, balahibo, at sanga para simulan ang paggawa ng kanilang mga pugad sa medyo makakapal na puno. Ang maliliit na pugad na gawa ng iba’t ibang uri ng ibon ay pawang lubos na matitibay at masinsin. Alang-alang sa kanilang mga supling, ginugugol ng mga ibon ang lahat ng pagsisikap na ito sa paggawa ng mga pugad at pagtatayo ng mga silungan. Pagkatapos nilang maitayo ang kanilang mga pugad at panahon na para sa paglilimlim, palaging may ibon sa bawat pugad; ang mga lalaki at babaeng ibon ay naghahalinhinan sa pagbabantay sa loob ng 24 na oras sa isang araw, at lubos silang alerto—kapag ang isa sa kanila ay bumalik na, agad namang lilipad ang isa pagkatapos. Hindi nagtatagal pagkatapos nito, napipisa ang ilang itlog at lumalabas ang ulo ng mga sisiw, at maririnig mo silang magsimulang humuni sa mga puno. Ang mga ibong nasa hustong gulang ay pabalik-balik na lumilipad, babalik para pakainin ang kanilang mga sisiw ng ilang uod, tapos ay babalik uli para pakainin ang mga sisiw ng iba pang pagkain, nagpapakita ng labis na pagkamaasikaso. Pagkalipas ng ilang buwan, lumaki na nang kaunti ang ilan sa mga sisiw, at kaya na nilang tumayo sa gilid ng kanilang mga pugad at ipayagpag ang kanilang mga pakpak; ang kanilang mga magulang ay lumilipad pabalik-balik, naghahalinhinan sa pagpapakain at pagbabantay sa kanilang mga sisiw. May isang taon na nakakita ako ng uwak sa langit, may hawak na sisiw sa bibig nito. Sobrang kahabag-habag ang pagsiyap ng sisiw na iyon, tila humihingi ng tulong. Ang uwak ay nasa harapan, lumilipad habang tangay ang sisiw sa bibig nito, at may isang pares ng mga ibong nasa hustong gulang na ang humahabol dito. Kahabag-habag ang pagsiyap ng dalawang ibong iyon, at sa huli ay lumipad palayo ang uwak. Malamang ay namatay pa rin naman ang sisiw kahit na nakahabol pa ang mga magulang nito sa uwak. Ang dalawang ibong iyon na nasa hustong gulong na nakasunod sa uwak ay sumiyap nang malakas na ikinaalarma ng mga tao sa lupa—sa tingin mo, gaano kahabag-habag ang pagsiyap ng mga ito? Sa katunayan, tiyak na hindi lamang isa ang sisiw ng mga ito. Malamang na tatlo o apat ang sisiw sa pugad ng mga ito, ngunit kapag ang isa ay natangay, hinahabol nila ito, sumisiyap nang malakas. Ganoon ang hayop at biyolohikal na mundo—nagagawang alagaan ng mga buhay na nilalang ang kanilang mga supling nang walang kapaguran. Ang mga ibon ay lumilipad pabalik at gumagawa ng mga bagong pugad bawat taon, ginagawa nila ang parehong mga bagay bawat taon; nililimliman nila ang kanilang mga sisiw, pinapakain ang mga ito, at tinuturuan kung paano lumipad. Habang nagsasanay ang mga sisiw sa paglipad, hindi lumilipad ang mga ito nang napakataas, at kung minsan ay nahuhulog ang mga ito sa lupa. Ilang beses na rin namin silang nailigtas, at ibinabalik sila kaagad sa kanilang mga pugad. Tinuturuan sila ng kanilang mga magulang araw-araw, at balang araw ang lahat ng sisiw na iyon ay lilisanin ang kanilang mga pugad at lilipad palayo, at ang pugad ay maiiwang walang laman. Sa susunod na taon, darating ang mga bagong pares ng ibon para bumuo ng mga pugad, limliman ang kanilang mga itlog, at palakihin ang kanilang mga sisiw. Ang lahat ng uri ng buhay na nilalang at hayop ay nagtataglay ng mga likas na gawi at batas na ito, at sinusunod nila ang mga ito nang mabuti, ganap na isinasakatuparan ang mga ito. Ito ay isang bagay na hindi kayang sirain ninuman. Mayroon ding ilang espesyal na hayop, tulad ng mga tigre at leon. Kapag nasa hustong gulang na ang mga hayop na ito, iniiwan nila ang kanilang mga magulang, at ang ilang lalaki ay nagiging magkaribal pa nga, nangangagat, nakikipaglaban, at nakikipagtunggali kung kinakailangan. Normal lang ito, ito ay isang batas. Hindi sila gaanong mapagmahal, at hindi sila namumuhay ayon sa kanilang mga damdamin gaya ng mga tao, nagsasabing: “Kailangan kong suklian ang kabutihan nila, kailangan kong bumawi sa kanila—kailangan kong sundin ang aking mga magulang. Kung hindi ako magiging mabuting anak sa kanila, kokondenahin, kagagalitan ako ng ibang tao, at pupunahin nila ako habang nakatalikod ako. Hindi ko kakayanin iyon!” Ang gayong mga bagay ay hindi sinasabi sa mundo ng hayop. Bakit sinasabi ng mga tao ang gayong mga bagay? Dahil sa lipunan at sa loob ng mga grupo ng mga tao, mayroong iba’t ibang maling ideya at karaniwang opinyon. Matapos maimpluwensyahan, masira, at mabulok ang mga tao sa mga bagay na ito, nagiging iba’t iba ang pagbibigay-kahulugan at pagharap nila sa relasyon ng magulang at anak, at sa huli ay tinatrato nila ang kanilang mga magulang bilang kanilang mga pinagkakautangan—mga pinagkakautangan na hinding-hindi nila mababayaran sa buong buhay nila. Mayroon pa ngang mga taong nakokonsensiya pagkatapos mamatay ang kanilang mga magulang, at iniisip nila na hindi sila karapatdapat sa kabutihan ng kanilang mga magulang, dahil sa isang bagay na ginawa nila na hindi nakapagpasaya sa kanilang mga magulang o hindi nagustuhan ng mga ito. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t kalabisan ito? Ang mga tao ay nababalot ng mga damdamin sa kanilang buhay, kaya maaari lamang silang maapektuhan at mabagabag ng iba’t ibang ideyang nagmumula sa mga damdaming ito. Ang mga tao ay namumuhay sa isang kapaligirang kinukulayan ng ideolohiya ng tiwaling sangkatauhan, kaya’t naaapektuhan at nagugulo sila ng iba’t ibang nakalilinlang na ideya, na ginagawang nakakapagod at hindi gaanong simple ang kanilang buhay kumpara sa mga ibang buhay na nilalang. Gayunpaman, sa ngayon, dahil ang Diyos ay gumagawa, at dahil ipinapahayag Niya ang katotohanan para sabihin sa mga tao ang tunay na kalikasan ng lahat ng katunayang ito, at para bigyan sila ng kakayahang maunawaan ang katotohanan, pagkatapos mong maunawaan ang katotohanan, hindi na magpapabigat sa iyo ang mga nakalilinlang na ideya at pananaw na ito, at hindi na magsisilbing gabay sa kung paano mo pangasiwaan ang relasyon mo sa mga magulang mo. Sa puntong ito, magiging mas maluwag ang buhay mo. Ang maluwag na pamumuhay ay hindi nangangahulugan na hindi mo alam kung ano ang iyong mga responsabilidad at obligasyon—alam mo pa rin ang mga bagay na ito. Depende lang ito sa kung aling perspektiba at mga pamamaraan ang pipiliin mo sa pagharap sa iyong mga responsabilidad at obligasyon. Ang isang landas ay ang piliin ang damdamin, at harapin ang mga bagay na ito nang emosyonal, at nang batay sa mga pamamaraan, ideya, at pananaw na itinuturo ni Satanas sa tao. Ang isa pang landas ay ang harapin ang mga bagay na ito batay sa mga salitang itinuro ng Diyos sa tao. Kapag pinangangasiwaan ng mga tao ang mga usaping ito ayon sa mga nakalilinlang na ideya at pananaw ni Satanas, maaari lamang silang mamuhay sa mga komplikasyon ng kanilang damdamin, at hindi nila kailanman nakikilala ang kaibahan ng tama at mali. Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, wala silang magagawa kundi ang mamuhay sa isang patibong, palaging naiipit sa mga usapin tulad ng, “Tama ka, mali ako. Marami kang naibigay sa akin; mas kaunti ang naibigay ko sa iyo. Wala kang utang na loob. Wala ka sa lugar.” Dahil dito, hindi sila kailanman nagsasalita nang malinaw. Gayunpaman, pagkatapos maunawaan ng mga tao ang katotohanan, at kapag nakatakas sila mula sa kanilang mga nakalilinlang na ideya at pananaw, at mula sa samu’t saring damdamin, nagiging simple na para sa kanila ang mga usaping ito. Kung susunod ka sa isang katotohanang prinsipyo, ideya, o pananaw na wasto at nagmumula sa Diyos, magiging napakaluwag ng buhay mo. Hindi na mahahadlangan ng opinyon ng publiko, o ng kamalayan ng iyong konsensiya, o ng bigat ng iyong damdamin kung paano mo pinangangasiwaan ang relasyon mo sa iyong mga magulang; sa kabaligtaran, magbibigay-daan sa iyo ang mga bagay na ito na harapin ang relasyong ito sa tama at makatwirang paraan. Kung kikilos ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo na ibinigay ng Diyos sa tao, kahit na punahin ka ng mga tao habang nakatalikod ka, magiging payapa at kalmado ka pa rin sa kaibuturan ng iyong puso, at hindi ito makakaapekto sa iyo. Kahit papaano, hindi mo kagagalitan ang iyong sarili dahil sa pagiging isang walang malasakit na ingrata o hindi mo na mararamdaman ang pang-uusig ng iyong konsensiya sa kaibuturan ng iyong puso. Ito ay dahil malalaman mo na ang lahat ng iyong kilos ay alinsunod sa mga pamamaraan na itinuro sa iyo ng Diyos, at na nakikinig at sumusunod ka sa mga salita ng Diyos, at nagpapasakop sa Kanyang daan. Ang pakikinig sa mga salita ng Diyos at pagsunod sa Kanyang daan ay ang konsensiyang dapat taglayin ng mga tao higit sa lahat. Magiging tunay na tao ka lamang kapag nagagawa mo ang mga bagay na ito. Kung hindi mo pa natamo ang mga bagay na ito, kung gayon ay isa kang walang malasakit na ingrata. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Malinaw mo na bang nakikita ang usaping ito ngayon? Ang makita ito nang malinaw ay isang aspekto nito; kung unti-unting nauunawaan ng mga tao ang usaping ito at naisasagawa ang katotohanan, iyon ay isa pang aspekto. Upang malinaw na makita ang usaping ito, dapat maranasan ng mga tao ang mga bagay-bagay sa loob ng ilang panahon. Kung nais ng mga tao na makita nang malinaw ang katunayan at diwa na ito, at maabot ang punto kung saan pinangangasiwaan nila ang mga usapin nang may mga prinsipyo, hindi ito magagawa sa maikling panahon, dahil kailangan munang iwaksi ng mga tao ang impluwensiya ng iba’t ibang nakalilinlang at buktot na ideya at pananaw. Isa pa, ang mas mahalagang aspekto nito ay na dapat nilang malutas ang mga hadlang at impluwensiya ng sarili nilang konsensiya at mga damdamin; sa partikular, dapat nilang malampasan ang balakid ng kanilang sariling mga damdamin. Sabihin nating kinikilala mo sa teorya na ang salita ng Diyos ang katotohanan at na ito ay tama, at alam mo, sa teorya, na ang mga nakalilinlang na ideya at pananaw na ikinikintal ni Satanas sa mga tao ay mali, ngunit sadyang hindi mo malampasan ang balakid ng iyong mga damdamin, at palagi kang naaawa sa iyong mga magulang, iniisip na naging napakabuti nila sa iyo, na sila ay gumugol, at gumawa, at nagdusa nang labis para sa iyo, na ang mga alaala ng lahat ng ginawa ng iyong mga magulang para sa iyo, ang lahat ng sinabi nila, at maging ang bawat halagang binayaran nila para sa iyo ay napakalinaw pa rin sa isipan mo. Ang bawat isa sa mga balakid na ito ay magiging isang napakahalagang bahagi ng proseso para sa iyo, at hindi magiging madali para sa iyo na malampasan ang mga ito. Sa katunayan, ang pinakamahirap na balakid na dapat mong malampasan ay ang iyong sarili. Kung malalampasan mo ang sunod-sunod na balakid, tuluyan mo nang mabibitiwan ang mga nararamdaman mo para sa iyong mga magulang. Hindi Ako nagbabahagi tungkol dito para ipagkanulo mo ang iyong mga magulang, at lalong hindi Ko ito ginagawa para magkaroon ng distansiya sa pagitan mo at ng iyong mga magulang—hindi tayo nagsisimula ng isang kilusan, hindi na kailangang maglagay ng anumang distansiya. Nagbabahagi Ako tungkol dito para lang mabigyan ka ng tamang pang-unawa sa mga usaping ito, at para matulungan kang tumanggap ng tamang ideya at pananaw. Isa pa, nagbabahagi Ako tungkol dito upang kapag nangyari sa iyo ang mga bagay na ito, hindi ka mababagabag ng mga ito, o ganap na maigagapos ng mga ito, at ang mas mahalaga, kapag naharap ka sa mga bagay na ito, hindi nito maaapektuhan ang paggampan mo sa tungkulin ng isang nilikha. Sa ganitong paraan, makakamit ang layon ng pagbabahagi Ko. Talaga bang darating ang puntong kung saan hindi na iisipin ng mga taong namumuhay sa laman ang mga bagay na ito, at kung saan wala nang emosyonal na gusot sa pagitan nila at ng kanilang mga magulang? Imposible iyon. Sa mundong ito, bukod sa kanilang mga magulang, may mga anak din ang mga tao—ito ang dalawang pinakamalapit na ugnayan sa laman ng mga tao. Imposibleng ganap na maputol ang ugnayan sa pagitan ng isang magulang at ng isang anak. Hindi kita hinihikayat na pormal mong ideklarang pinuputol mo na ang iyong ugnayan sa iyong mga magulang, at na hinding-hindi ka na muling makikipag-ugnayan sa kanila. Sinusubukan kitang tulungan na pangasiwaan nang tama ang iyong relasyon sa kanila. Mahirap ang mga bagay na ito, hindi ba? Habang lumalalim ang iyong pang-unawa sa katotohanan, at habang nagkakaedad ka, unti-unti nang nababawasan ang hirap ng mga bagay na ito. Kapag nasa mga edad bente ang mga tao, iba ang nararamdaman nilang emosyonal na koneksiyon sa kanilang mga magulang kumpara sa kapag sila ay 30 o 40 taong gulang na. Lalong humuhupa ang koneksiyong ito kapag 50 taong gulang na sila, at hindi na kailangang pag-usapan pa kung ano ang mangyayari kapag ang mga tao ay umabot sa edad na 60 o 70. Sa oras na iyon, mas lalo nang humupa ang koneksiyon—nagbabago ito habang tumatanda ang mga tao.
Ang katotohanang “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang” ay ang tamang prinsipyo ng pagsasagawa na dapat maunawaan ng mga tao pagdating sa kung paano nila harapin ang kanilang mga magulang. Ano ang iba pang prinsipyo ng pagsasagawa? (Hindi ang mga magulang mo ang mga tagapamahala ng iyong buhay o ng iyong kapalaran.) Hindi ba’t ang “Hindi ang mga magulang mo ang mga tagapamahala ng iyong buhay o ng iyong kapalaran” ay mas madaling unawain at bitiwan kumpara sa “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang”? Sa panlabas, tila ang iyong mga magulang ang nagluwal ng iyong pisikal na buhay, at na ang iyong mga magulang ang nagbigay sa iyo ng buhay. Ngunit, mula sa perspektiba ng Diyos, at mula sa ugat ng usaping ito, ang iyong pisikal na buhay ay hindi binigay sa iyo ng iyong mga magulang, dahil hindi kayang lumikha ng mga tao ng buhay. Sa simpleng pananalita, walang tao ang makakalikha ng hininga ng tao. Ang dahilan kung bakit nagiging tao ang laman ng bawat tao ay dahil taglay nila ang hiningang iyon. Ang buhay ng tao ay nakasalalay sa hiningang ito, at ito ang tanda ng isang buhay na tao. Ang mga tao ay may ganitong hininga at buhay, at ang pinagmulan at ugat ng mga bagay na ito ay hindi ang kanilang mga magulang. Sadyang nilikha ang mga tao sa pamamagitan ng pagsilang sa kanila ng kanilang mga magulang—sa pinaka-ugat, ang Diyos ang nagbibigay sa mga tao ng mga bagay na ito. Samakatuwid, hindi ang mga magulang mo ang mga tagapamahala ng iyong buhay, ang Tagapamahala ng iyong buhay ay ang Diyos. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, nilikha Niya ang buhay ng sangkatauhan, at binigyan Niya ng hininga ng buhay ang sangkatauhan, na siyang pinagmulan ng buhay ng tao. Samakatuwid, hindi ba’t ang linyang “Hindi ang mga magulang mo ang mga tagapamahala ng iyong buhay” ay madaling unawain? Ang hininga mo ay hindi binigay sa iyo ng iyong mga magulang, at lalong hindi binigay sa iyo ng iyong mga magulang ang karugtong nito. Ang Diyos ang nangangasiwa at namumuno sa bawat araw ng iyong buhay. Ang iyong mga magulang ay hindi makapagpapasya kung ano ang magiging takbo ng bawat araw sa iyong buhay, kung ang bawat araw ay magiging masaya at maayos, kung sino ang makakasalamuha mo araw-araw, o kung sa anong kapaligiran ka mamumuhay sa bawat araw. Sadya lamang na pinangangasiwaan ka ng Diyos sa pamamagitan ng iyong mga magulang—ang iyong mga magulang ang mga taong ipinadala ng Diyos para mag-alaga sa iyo. Nang ipinanganak ka, hindi ang iyong mga magulang ang nagbigay sa iyo ng buhay, kaya’t sila ba ang nagbigay sa iyo ng buhay na nagpapahintulot sa iyo na mabuhay hanggang ngayon? Hindi rin. Ang pinagmulan ng iyong buhay ay ang Diyos pa rin, at hindi ang iyong mga magulang. Sabihin nating isinilang ka ng iyong mga magulang, ngunit noong ikaw ay isa o limang taong gulang, nagpasya ang Diyos na bawiin ang iyong buhay. May magagawa ba ang mga magulang mo tungkol doon? Ano ang gagawin ng iyong mga magulang? Paano nila ililigtas ang iyong buhay? Dadalhin ka nila sa ospital at ipagkakatiwala ka sa mga doktor, na siyang magsisikap na gamutin ang sakit mo at iligtas ang iyong buhay. Responsabilidad ito ng iyong mga magulang. Gayunpaman, kung sasabihin ng Diyos na ang buhay na ito at ang taong ito ay hindi na dapat mabuhay, at na dapat kang muling magkatawang-tao sa ibang pamilya, kung gayon ay walang kapangyarihan o paraan ang iyong mga magulang na iligtas ang buhay mo. Maaari lang nilang panoorin ang paglisan ng iyong munting buhay mula sa mundong ito. Kapag nawala ang isang buhay, wala silang magagawa—ang magagawa lang nila ay gampanan ang kanilang responsabilidad bilang mga magulang, at ipagkatiwala ka sa mga doktor, na siyang magsisikap na gamutin ang iyong sakit at iligtas ang iyong buhay, pero hindi ang mga magulang mo ang makapagpapasya kung magpapatuloy ang buhay mo o hindi. Kung sasabihin ng Diyos na maaari kang patuloy na mabuhay, kung gayon ay iiral ang iyong buhay. Kung sasabihin ng Diyos na hindi na dapat umiral ang iyong buhay, kung gayon ay mamamatay ka na. May magagawa ba ang mga magulang mo tungkol doon? Ang magagawa lang nila ay tanggapin ang iyong kapalaran. Sa madaling salita, sila ay mga ordinaryong nilikha lamang. Kaya lang, mula sa perspektiba mo, mayroon silang isang espesyal na pagkakakilanlan—ipinanganak at pinalaki ka nila, sila ang iyong mga amo at ang iyong mga magulang. Ngunit mula sa perspektiba ng Diyos, sila ay mga ordinaryong tao lamang, sila ay mga miyembro lamang ng tiwaling sangkatauhan, at walang espesyal sa kanila. Maging sila ay hindi ang mga tagapamahala ng sarili nilang buhay, kaya paano sila magiging mga tagapamahala ng buhay mo? Bagamat ipinanganak ka nila, hindi nila alam kung saan nanggaling ang buhay mo, at hindi nila maitatakda kung anong panahon, anong oras, at kung saang lugar darating ang iyong buhay, o kung paano ang magiging buhay mo. Wala silang alam sa mga bagay na ito. Para sa kanila, sila ay pasibong naghihintay lamang, naghihintay sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang mga pagsasaayos. Masaya man sila tungkol dito o hindi, naniniwala man sila rito o hindi, ano’t anuman, ang lahat ng ito ay pinangangasiwaan at nangyayari sa ilalim ng mga kamay ng Diyos. Hindi ang mga magulang mo ang mga tagapamahala ng iyong buhay—hindi ba’t madaling unawain ang usaping ito? (Madali lang.) Isinilang ng iyong mga magulang ang iyong laman, ngunit hindi nila isinilang ang buhay ng iyong laman. Ito ay isang katunayan. Makokontrol man lang ba ng iyong mga magulang ang mga bagay tulad ng kung gaano ka katangkad, kung ano ang iyong pangangatawan, kung ano ang kulay ng iyong buhok o kung gaano ito kakapal, kung ano ang mga libangan mo, at iba pa? (Hindi.) Hindi maitatakda ng iyong mga magulang kung magiging maganda o pangit ang iyong balat, o kung ano ang magiging hitsura ng iyong mukha. May mga magulang na mataba, pero nagsisilang sila ng mga anak na payat at pandak, maliit ang ilong at mga mata. Kapag nakikita sila ng mga tao, iniisip ng mga ito: “Sino kaya ang kamukha ng mga batang ito? Talagang hindi sila kamukha ng mga magulang nila.” Ni hindi maitakda ng mga magulang kung sino ang magiging kamukha ng kanilang mga anak, tama ba? May mga magulang din na may napakalalakas na katawan, pero nagsisilang sila ng mga napakapayat at mahinang anak; may mga magulang naman na napakapayat at mahina ang katawan, pero nagsisilang sila ng mga anak na kasinglakas ng kalabaw. May mga magulang na matatakutin kagaya ng mga daga, pero nagsisilang sila ng mga anak na sobrang mapangahas. Ang ibang magulang ay maingat at mapagbantay, pero nagsisilang sila ng mga anak na may napakataas na ambisyon, at sa huli, ang ilan sa mga ito ay nagiging emperador, ang iba ay nagiging pangulo, at ang ilan ay nagiging pinuno ng mga grupo ng bandido at tulisan. May mga magulang na magsasaka, pero ang mga anak nila ay nagiging matataas na opisyal. Mayroon ding mga magulang na mapanlinlang, pero nagsisilang sila ng mga anak na may magandang asal at inosente. Ang ibang magulang ay hindi mananampalataya, o maaaring sumasamba pa nga sila sa mga diyos-diyosan at mga diyablo, pero nagsisilang sila ng mga anak na gustong manampalataya sa Diyos, na hindi kayang patuloy na mabuhay kung wala ang pananalig ng mga ito sa Diyos. Sinasabi ng ilang magulang sa kanilang mga anak, “Papaaralin kita sa unibersidad,” at sinasabi ng kanilang mga anak, “Hindi maaari, ako ay isang nilikha, dapat kong gampanan ang aking tungkulin!” Pagkatapos, sinasabi ng mga magulang sa kanilang mga anak: “Bata ka pa, hindi mo kailangang gumampan ng isang tungkulin. Ginagampanan namin ang maliit na bahagi ng mga tungkulin namin dahil matanda na kami, at wala na kaming mga inaasam; magkakamit kami ng ilang pagpapala para sa pamilya natin sa hinaharap, kaya hindi mo na kailangang gawin ito. Kailangan mong mag-aral nang mabuti, at kapag nakatapos ka na sa unibersidad, kailangan mong maging isang mataas na opisyal, upang matamasa ko ang tagumpay kasama mo.” Sumasagot ang kanilang mga anak: “Hindi. Isa akong nilikha, ang paggampan sa tungkulin ko ang pinakamahalagang bagay.” Siyempre, may ilang magulang na nananampalataya sa Diyos at tumatalikod sa kanilang mga pamilya at bumibitiw sa kanilang propesyon, ngunit tumatanggi ang mga anak nila na manampalataya sa Diyos. Ang mga anak nila ay walang pananampalataya, at paano mo man tingnan ang mga anak na ito at ang kanilang mga magulang, hindi sila mukhang isang pamilya. Bagamat mukha silang isang pamilya batay sa kanilang hitsura, mga gawi sa buhay, at maging sa ilang aspekto ng kanilang mga katangian, hilig, interes, paghahangad, at sa mga landas na tinatahak nila, sila ay ganap na magkaiba. Sila ay sadyang dalawang magkaibang uri ng tao na tumatahak sa dalawang magkaibang landas. Kaya, mayroong mga kaibahan sa pagitan ng buhay ng mga tao, at ang mga ito ay hindi itinatakda ng kanilang mga magulang. Hindi maitatakda ng mga magulang kung magiging ano ang uri ng buhay ng kanilang mga anak, o sa kung anong uri ng mga kapaligiran isisilang ang kanilang mga anak. Hindi ang mga magulang mo ang mga tagapamahala ng iyong buhay, ni ang mga tagapagmahala ng iyong kapalaran. Ang buhay ay hindi ibinibigay sa mga tao ng kanilang mga magulang—ang kapalaran ba ng isang tao ay isang mas malaki o mas maliit na bagay kaysa sa kanyang buhay? Para sa mga tao, kapwa malalaking bagay ang mga ito. Bakit ganoon? Dahil ang mga ito ay hindi mga bagay na kayang unawain, isakatuparan, o kontrolin ng mga tao gamit ang kanilang mga likas na gawi, abilidad, o kakayahan. Ang kapalaran at takbo ng buhay ng mga tao ay itinatakda at pinamumunuan ng Diyos. Walang taong makagagawa ng anumang mga pasya hinggil sa dalawang ito. Hindi ikaw o ang iyong mga magulang ang magpapasya kung saang pamilya ka isisilang, o kung ano ang mga magiging magulang mo sa buhay na ito. Pasibo rin ang pagsilang sa iyo ng iyong mga magulang. Kaya, hindi rin maitatakda ng iyong mga magulang kung ano ang magiging takbo ng iyong kapalaran, hindi nila maitatakda kung ikaw ba ay magiging napakayaman at napakasagana sa iyong buhay, mahirap at aba, o isang karaniwang tao lamang; hindi nila maitatakda kung saan ka pupunta sa buhay na ito, kung saang lugar ka titira, o kung ano ang magiging kalagayan ng iyong pag-aasawa, kung kumusta ang magiging mga anak mo, o sa kung anong uri ng materyal na kapaligiran ka mamumuhay, at iba pa. Mayroong mga taong bago sila magkaanak ay asensado ang pamilya nila, may maisusuot at makakain, at may sobra-sobrang salapi, ngunit nang lumaki na ang kanilang anak, nilustay nito ang kayamanan ng kanilang pamilya, at gaano man kalaki ang kinikita ng mga magulang na iyon, hindi nila mabawi ang lahat ng perang sinayang ng kanilang gastador na anak. Mayroon ding mga taong mahirap, subalit ilang taon matapos silang magkaanak, nagsimulang umunlad ang negosyo ng kanilang pamilya, gumanda ang kanilang buhay, umayos nang husto ang takbo ng mga bagay-bagay, at patuloy ring umunlad ang kanilang kapaligiran. Kita mo na, ang mga ito ay pawang mga bagay na hindi inaasahan ng mga magulang na ito, hindi ba? Hindi maitatakda ng mga magulang ang kapalaran ng kanilang mga anak, at likas na wala rin silang kinalaman sa kapalaran ng kanilang mga anak. Ang uri ng landas na tinatahak mo, kung saan ka pumupunta at kung anong mga tao ang nakatatagpo mo sa buhay na ito, gaano karaming sakuna ang kinakaharap mo, gaano karaming dakilang bagay at gaano kalaking yaman ang dumarating sa iyo—ang lahat ng bagay na ito ay walang kaugnayan sa iyong mga magulang, o sa kanilang mga ekspektasyon. Ang bawat magulang ay nangangarap na umangat ang kanilang anak sa mundo, ngunit lagi bang natutupad ang pangarap na ito? Hindi laging ganoon. May ilang anak na umaangat nga sa mundo, gaya ng ninanais ng kanilang mga magulang, at sila ay nagiging matataas na opisyal, yumayaman, at nakapamumuhay nang maginhawa, subalit nagkakasakit at namamatay ang mga magulang nila sa loob ng ilang taon nang hindi natatamasa ang magandang kapalarang ito o nakakasalo sa tagumpay na ito. May kinalaman ba ang kapalaran ng isang tao sa kanyang mga magulang? Wala. Hindi ibig sabihin na maisasakatuparan mo ang anumang ekspektasyon ng iyong mga magulang sa iyo. Ang kapalaran ng isang tao ay walang kinalaman sa kanyang mga magulang, at hindi maitatakda ng mga magulang ng isang tao ang kanyang kapalaran. Kahit na ipinanganak ka ng iyong mga magulang, at kahit na gumawa sila ng maraming bagay para maitatag ang pundasyon ng iyong mga inaasam, iyong mga mithiin, at ang iyong kapalaran sa hinaharap, hindi nila maitatakda kung ano ang iyong kapalaran o ang iyong landas sa buhay sa hinaharap—ang mga bagay na ito ay walang kinalaman sa kanila. Samakatuwid, hindi ang mga magulang mo ang mga tagapamahala ng iyong kapalaran, at hindi nila mababago ang kahit ano tungkol sa iyo. Kung nakatadhana kang maging mayaman, kung gayon, gaano man kahirap o kawalang-kakayahan ang mga magulang mo, makakamit mo ang yaman na dapat mong makamit. Kung nakatadhana kang maging isang mahirap na tao, isang ordinaryong tao, o isang abang tao, kung gayon, gaano man kahusay ang iyong mga magulang, hindi ka nila matutulungan. Kung pinili ka ng Diyos, at isa ka sa mga hinirang ng Diyos, ibig sabihin, kung ikaw ay paunang itinalaga ng Diyos, gaano man kamakapangyarihan o kahusay ang iyong mga magulang, hindi nila mahahadlangan ang pananampalataya mo sa Diyos, kahit pa naisin nila. Sapagkat nakatadhana kang maging miyembro ng sambahayan ng Diyos at isa sa mga hinirang Niya, hindi mo ito matatakasan. Ang kapalaran ng isang tao ay nauugnay lamang sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ordinasyon ng Diyos; wala itong kinalaman sa mga ninanais at ekspektasyon ng kanilang mga magulang. Natural na wala rin itong kinalaman sa mga hilig, libangan, katangian, inaasam, kakayahan, o abilidad ng indibidwal na iyon. Samakatuwid, batay sa katotohanang “Hindi ang mga magulang mo ang mga tagapamahala ng iyong buhay o ng iyong kapalaran,” paano mo dapat harapin ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang? Dapat mo bang tanggapin nang buo, balewalain, o makatwirang harapin ang mga ito? Pagdating sa usapin ng iyong buhay o ng iyong kapalaran, ang mga magulang mo ay mga normal na tao lamang, maaari nilang asahan ang anumang gusto nila, at maaari nilang sabihin ang anumang gusto nila. Hayaan silang sabihin kung ano ang gusto nila, at gawin mo lang ang dapat mong gawin. Hindi na kinakailangang makipagtalo sa kanila, dahil anuman ang tunay na sitwasyon ng mga bagay-bagay, iyon na talaga ang magiging takbo ng mga ito. Hindi ito nagmumula sa anumang argumento, at hindi ito nagbabago batay sa kalooban ng tao. Hindi mo maitatakda ang sarili mong kapalaran, lalo na ang iyong mga magulang! Hindi ba’t totoo iyon? (Totoo.) Kahit na mas nakatatanda sa iyo ang iyong mga magulang, wala pa rin silang kaugnayan o koneksiyon sa iyong kapalaran. Hindi dapat subukang diktahan ng iyong mga magulang ang iyong kapalaran dahil lang sa lubos silang mas matanda sa iyo, at dahil sa isang henerasyon ang tanda nila sa iyo. Hindi ito makatwiran, at ito ay kasuklam-suklam. Samakatuwid, sa tuwing may masasabi ang iyong mga magulang tungkol sa landas na tinatahak mo sa buhay, o sa kanilang mga ekspektasyon sa iyo, dapat mo itong harapin nang mahinahon at makatwiran, dahil hindi sila ang tagapamahala ng iyong kapalaran. Sabihin mo sa kanila: “Nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ko—hindi ito kayang baguhin ng sinuman.” Walang taong may kakayahang kontrolin ang sarili niyang kapalaran o ng ibang tao, at ang mga magulang mo ay hindi rin kwalipikadong gawin ito. Ang iyong mga ninuno ay hindi kwalipikadong gawin ito, lalo na ang iyong mga magulang. Sino lang ang kwalipikado? (Ang Diyos lamang.) Tanging ang Diyos ang kwalipikadong mamuno sa kapalaran ng mga tao.
Inaamin ng ilang tao, sa teorya, na: “Hindi makapanghihimasok ang mga magulang ko sa aking kapalaran. Bagamat sila ang nagsilang sa akin, hindi sila ang nagbigay sa akin ng buhay, kundi ang Diyos. Ang lahat ng mayroon ako ay ibinigay sa akin ng Diyos. Pinalaki lang ako ng Diyos hanggang sa hustong gulang sa pamamagitan nila, at binigyan ako ng Diyos ng lakas na mabuhay hanggang ngayon. Ang totoo, ang Diyos ang nagpalaki sa akin.” Mahusay at malinaw nilang binibigkas ang mga salitang ito, ngunit sa ilang natatanging sitwasyon, hindi madaig ng mga tao ang kanilang pagmamahal, o matanggap ang pahayag na: “Hindi ang mga magulang mo ang mga tagapamahala ng iyong buhay o ng iyong kapalaran.” Sa ilang natatanging sitwasyon, ang mga tao ay mapangingibabawan ng kanilang mga damdamin at mahuhulog sa mga tukso, o magiging mahina. Dahil dinanas nila ang pang-uusig at pagkondena ng gobyerno at ng mundo ng relihiyon at sila ay inaresto at ipinakulong, ang ilang mananampalataya sa Diyos ay nagiging determinado na hindi sila kailanman magiging Hudas, at hinding-hindi nila ipagkakanulo ang sinuman sa kanilang mga kapatid, o ang anumang impormasyon tungkol sa iglesia, kahit anong uri pa ng pagpapahirap ang danasin nila—mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa maging Hudas. Dahil dito, pinahihirapan at binubugbog sila hanggang sa hindi na sila mukhang tao, ang mga mata nila ay sobrang namamaga na halos hindi na sila makamulat at hindi na makakita nang malinaw, ang kanilang mga tainga ay nabibingi, ang kanilang mga ngipin ay natatanggal, ang mga sulok ng kanilang bibig ay nagsusugat at dumudugo, hindi na makagalaw nang maayos ang kanilang mga binti, namamaga at nababalot ng mga pasa ang kanilang buong katawan. Subalit, gaano man sila pinapahirapan, hindi sila nagkakanulo—determinado silang huwag maging Hudas, at manindigan sa kanilang patotoo para sa Diyos. Hanggang ngayon, mukha silang malakas, at nagtataglay ng patotoo, hindi ba? Dumaan sila sa pagpapahirap at pananakot nang hindi nagiging Hudas, at pinapahirapan sila nang ganito sa loob ng maraming araw at gabi. Kapag nakakita ang isang diyablo ng ganitong tao, iniisip nito: “Talagang matigas ang taong ito, nalason na siya nang husto. Talagang naging maka-Diyos na siya. Napakabata pa niya, at pinahirapan na siya nang husto nang hindi nagbibitaw ng kahit isang salita. Ano ang gagawin ko rito? Mukhang isa siyang importanteng tao, marahil ay marami siyang alam tungkol sa iglesia. Kung makakakuha ako ng ilang impormasyon mula sa kanyang bibig, maaaresto namin ang maraming tao, at kikita kami ng maraming pera!” Pagkatapos ay nagsisimula ang diyablo na pag-isipan ito: “Paano ko siya mapagsasalita, para mailantad niya ang ilang impormasyon tungkol sa ilang tao? Ang lahat ng malalakas na tao ay may mga kahinaan din—tulad ng mga taong nagsasanay sa kung fu. Kahit gaano pa kahusay ang isang tao sa kung fu, sa huli ay mayroon pa rin siyang Achilles heel. Ang bawat tao ay may mahinang parte, kaya’t puntiryahin natin ang sa kanya. Ano ang kanyang kahinaan? Nabalitaan kong nag-iisang anak lang siya, at na masyado siyang pinalayaw ng kanyang mga magulang simula pagkabata niya. Balita ko ay talagang nagmamalasakit sila sa kanya at mahal na mahal siya, at na tunay siyang mabuting anak sa kanila. Kung susunduin ko ang kanyang mga magulang, at gagamitin ko sila para impluwensiyahan ang isipan niya, marahil ay gagana ito kung sila ang kakausap sa kanya.” Pagkatapos, susunduin ng diyablo ang kanyang mga magulang. Hulaan mo kung ano ang mangyayari sa sandaling makita ng taong ito ang kanyang mga magulang? Bago niya makita ang mga magulang niya, inisip niya: “O Diyos, determinado akong manindigan sa aking patotoo. Talagang hindi ako magiging isang Hudas!” Ngunit sa sandaling makita niya ang kanyang mga magulang, halos madurog ang puso niya. Ang una niyang nararamdaman ay, “Binigo ko ang aking mga magulang, tiyak na napakasakit para sa kanila na makita akong ganito,” at pagkatapos ay magugupo siya ng emosyon. Iginigiit pa rin niya sa kanyang puso na: “Hindi ako magiging Hudas, kailangan kong manindigan sa aking patotoo para sa Diyos. Hindi ako tumahak sa maling landas, tinatahak ko ang tamang landas sa buhay. Dapat kong ipahiya si Satanas at patotohanan ang Diyos!” Sa puso niya, matatag siya, at paulit-ulit niya itong iginigiit, ngunit hindi na ito kinakaya ng damdamin niya, at sa isang iglap ay malapit nang madurog ang kanyang puso. Ano sa palagay mo ang mararamdaman ng kanyang mga magulang kapag nakita nila ang kanilang anak na pinapahirapan nang ganito? Hindi Ako magsasalita tungkol sa ama niya, ngunit ang puso ng kanyang ina ay nadudurog. Kapag nakikita ng ina na pinapahirapan ang kanyang anak hanggang sa puntong hindi na ito mukhang tao, mararamdaman ng ina ang matinding pagkabagabag, pagkabalisa, at pasakit, at manginginig siya habang lumalapit sa kanyang anak. Ano ang magiging reaksiyon mo sa ganoong sandali? Hindi ka maglalakas-loob na tumingin, hindi ba? Tingnan mo, wala ka pang sinasabi, wala pang sinasabi ang iyong mga magulang, ngunit nasisiraan ka na ng loob, hindi mo madaig ang iyong mga damdamin. Iisipin mo: “Matanda na ang mga magulang ko, hindi na gaanong malakas ang katawan nila, at umaasa sila sa isa’t isa para makaraos. Nagsilang sila ng isang batang katulad ko, at hanggang ngayon ay hindi ko pa natutupad ang anumang ekspektasyon nila, at ang dami ko nang nabigay na problema sa kanila, pinahiya ko sila nang sobra, at kinailangan pa nila akong puntahan at makita sa ganitong kalagayan ng pagdurusa.” Hindi namamalayan na sa kaibuturan ng iyong puso, mararamdaman mo na hindi ka isang mabuting anak, na sinaktan at binigo mo ang iyong mga magulang, at na pinag-aalala at dinismaya mo sila. Pareho kayong makakaramdam ng iyong mga magulang ng matinding paghihirap, dahil sa magkakaibang mga dahilan. Para sa mga magulang mo, ito ay dahil nalulungkot sila para sa iyo at hindi nila kayang makitang magdusa ka nang ganoon. Para sa iyo, ito ay dahil nakita mo kung gaano nalungkot at nasaktan ang mga magulang mo, at hindi mo kayang makita silang malungkot at nag-aalala tungkol sa iyo. Hindi ba’t ang mga ito ay parehong epekto ng mga damdamin? Hanggang sa sandaling ito, maituturing pa rin na normal ang lahat ng ito, at hindi pa ito makakaapekto sa iyong paninindigan sa iyong patotoo. Ipagpalagay na sa sandaling iyon ay sasabihin ng iyong mga magulang: “Napakalusog at napakalakas mo noon, at ngayon ay binugbog ka nang ganito. Mula noong bata ka pa, trinato ka na namin bilang aming pinakamamahal. Hindi ka namin kailanman pinagbuhatan ng kamay. Paano mo hinayaang mangyari ito sa iyo? Kailanman ay hindi namin ginustong saktan ka; palagi ka naming pinahahalagahan at minamahal—‘iningatan ka namin nang husto, ayaw naming masaktan ka.’ Labis ka naming pinahalagahan, ngunit hindi iyon naging sapat. Ayos lang kung hindi mo kami alagaan, ngunit ngayon ay tumatanggi kang magbigay ng anumang impormasyon, labis kang nagdurusa, at hindi sumusuko sa kabila ng pagpapahirap sa iyo dahil nananampalataya ka sa Diyos at nais mong magpatotoo para sa Kanya. Bakit ganito katigas ang ulo mo? Bakit mo ipinipilit na manampalataya sa Diyos? ‘Ang iyong katawan ay ibinigay sa iyo ng iyong mga magulang.’ Tama ba ang ginagawa mo sa amin kung hinahayaan mong mangyari ito sa iyo? Kung talagang may mangyari sa iyo, sa tingin mo, kakayanin pa ba naming magpatuloy sa buhay? Hindi kami umaasang aalagaan mo kami kapag matanda na kami o na ikaw ang magsasaayos ng aming lamay, gusto lang namin na maging maayos ka. Ikaw ang lahat para sa amin, kung hindi ka maayos, kung mawawala ka, paano kami magpapatuloy sa buhay? Sino pa ba ang mayroon kami kundi ikaw? May iba pa ba kaming pag-asa?” Talagang tatagos nang masakit sa iyo ang bawat salitang ito, parehong tutugon sa iyong mga emosyonal na pangangailangan, at pupukaw sa iyong damdamin at konsensiya. Bago sinabi ng mga magulang mo ang mga salitang ito, pinanghahawakan mo pa rin ang iyong paniniwala at ang iyong paninindigan sa kaibuturan ng iyong puso, ngunit pagkatapos nilang sabihin ang mga salitang ito ng pagkadismaya, hindi ba’t malulusaw ang depensa sa kaibuturan ng iyong puso? “‘Ang iyong katawan ay ibinigay sa iyo ng iyong mga magulang.’ Nagbitiw ka sa isang magandang trabaho, tinalikuran mo ang iyong magagandang oportunidad, at binitiwan mo ang isang magandang buhay. Iginigiit mong manampalataya sa Diyos, at hinayaan mo ang iyong sarili na masira nang ganito—tama ba ang ginagawa mo sa amin?” Mayroon bang sinuman na hindi maiiyak pagkatapos marinig ang pananalitang ito? May sinuman bang makakapagpigil na sisihin ang sarili pagkatapos marinig ang mga salitang ito? Maiiwasan ba niyang maramdaman na binigo niya ang kanyang mga magulang? May sinuman bang makakaramdam na ito ay si Satanas na tumutukso sa kanya? Maaari bang ang sinumang tao ay maaapektuhan lang nito sa emosyon, ngunit haharapin pa rin ito nang makatwiran? Maaari bang mapanatili ng sinuman ang kanyang paniniwala sa pahayag na, “Hindi ang mga magulang mo ang mga tagapamahala ng iyong buhay o ng iyong kapalaran, at hindi mo sila pinagkakautangan” matapos marinig ang pananalitang ito? Mayroon bang sinuman, sa kabila ng kahinaan ng damdamin, na hindi tatalikod sa kanyang tungkulin at obligasyon, at sa patotoo na dapat panindigan ng isang nilikha? Alin sa mga bagay na ito ang kaya mong tuparin? Kapag medyo masama lang ang loob mo, kung ang iyong damdamin ang pag-uusapan, napapaluha ka pa nga, at naaawa sa iyong mga magulang, ngunit nananalig ka pa rin sa salita ng Diyos, at kumakapit pa rin sa patotoong dapat mong panindigan, at pinanghahawakan mo pa rin ang tungkuling dapat mong gampanan, nang hindi nawawala ang patotoo, responsabilidad, at tungkuling mayroon ang isang nilikha sa harap ng Panginoon ng paglikha, kung gayon, ikaw ay maninindigan. Subalit kung makikita mo ang iyong ina na pinagsasabihan ka habang lumuluha ito, lubos kang maaapektuhan, iisipin mo na hindi ka isang mabuting anak, na nagkamali ka ng pasya, magsisisi ka at ayaw mo nang magpatuloy, gugustuhin mong talikuran ang patotoong dapat taglayin ng isang nilikha, at ang tungkulin, responsabilidad, at obligasyon na dapat tuparin ng isang nilikha, at babalik ka sa tabi ng iyong mga magulang, susuklian ang kanilang kabutihan, at pipigilan ang kanilang pagdurusa o pag-aalala para sa iyo, kung gayon ay hindi ka magkakaroon ng patotoo, at hindi ka magiging karapat-dapat na sundin ang Diyos. Ano ang sinabi ng Diyos sa mga sumusunod sa Kanya? (Hindi ba’t sinabi Niyang: “Kung ang sinumang tao’y pumaparito sa Akin, at hindi napopoot sa kanyang sariling ama, at ina, at asawang babae, at mga anak, at mga kapatid na lalaki, at mga kapatid na babae, oo, at pati sa kanyang sariling buhay man, ay hindi siya maaaring maging disipulo Ko” (Lucas 14:26)? Ang linyang ito ay nasa Bibliya.) Kung nahihigitan ng iyong pagmamahal sa iyong mga magulang ang iyong pagmamahal sa Diyos, kung gayon ay hindi ka karapat-dapat sumunod sa Diyos, at hindi ka kabilang sa Kanyang mga tagasunod. Kung hindi ka kabilang sa Kanyang mga tagasunod, kung gayon ay masasabing hindi ka isang mananagumpay, at na ayaw ng Diyos sa iyo. Sa pamamagitan ng pagsubok na ito, ikaw ay nalantad, hindi mo napanindigan ang iyong patotoo. Hindi ka sumuko sa pagpapahirap ni Satanas, ngunit ang ilang salita ng pagkadismaya mula sa iyong mga magulang ay sapat na iyon para bumigay ka. Isa kang duwag at ipinagkanulo mo ang Diyos. Hindi ka karapat-dapat na sumunod sa Diyos at hindi ka Niya tagasunod. Madalas sabihin ng mga magulang: “Wala na akong ibang hihilingin sa iyo, hindi ko hihilingin na maging sobra kang mayaman, inaasam ko lang na maging malusog at ligtas ka sa buhay na ito. Makita ko lang na masaya ka ay sapat na.” Kaya, kapag pinahihirapan ka, mararamdaman mo na binigo mo ang iyong mga magulang: “Hindi naman masyadong malaki ang hinihingi sa akin ng mga magulang ko, pero binigo ko pa rin sila.” Tama ba ang kaisipang ito? Binigo mo ba sila? (Hindi.) Kasalanan mo ba na pinagmalupitan ka ni Satanas? Kasalanan mo ba na binugbog ka nang husto, pinahirapan, at brutal na pinagmalupitan? (Hindi.) Si Satanas ang nagmalupit sa iyo, hindi mo winasak ang sarili mo. Tumatahak ka sa tamang landas, at ikaw ay tunay na tao. Ang iyong mga pasya at lahat ng iyong kilos ay nagpapatotoo para sa Diyos, at gumagampan sa tungkulin ng isang nilikha. Ito ang mga pagpapasya na dapat gawin ng bawat nilikha, at ang landas na dapat tahakin ng bawat nilikha. Ito ang tamang landas; hindi ito pagwawasak sa sarili. Bagamat pinahirapan ang iyong laman, at dumanas ng brutal, hindi makataong pagtrato, ang lahat ng ito ay para sa isang makatarungang layon. Hindi ito pagtahak sa maling landas, hindi ito pagwasak sa iyong sarili. Ang magdusa ka sa laman, ang masailalim sa pananakit, at ang mapahirapan hanggang sa puntong hindi ka na mukhang tao, ay hindi nangangahulugan na binigo mo ang iyong mga magulang. Hindi mo kailangang magpaliwanag sa kanila. Ito ang iyong pasya. Nasa tamang landas ka sa buhay, sadyang hindi lang nila naiintindihan. Nag-iisip lamang sila mula sa perspektiba ng isang magulang, palaging gustong protektahan ka alang-alang sa kanilang mga damdamin, ayaw nilang makaranas ka ng pisikal na sakit. Ano ba ang matatamo ng kanilang pagnanais na protektahan ka? Makapagpapatotoo ba sila para sa iyo? Magagampanan ba nila ang tungkulin ng isang nilikha para sa iyo? Masusundan ba nila ang daan ng Diyos para sa iyo? (Hindi.) Tama ang iyong naging pasya, at dapat mong panindigan ito. Hindi ka dapat malinlang o maligaw ng mga salita ng iyong mga magulang. Hindi mo winawasak ang iyong sarili; tumatahak ka sa tamang landas. Sa iyong pagtitiyaga at sa lahat ng iyong kilos ay pinanghahawakan mo ang katotohanan, nagpapasakop ka sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, at nagpapatotoo ka para sa Diyos sa harap ni Satanas, naghahatid ng kaluwalhatian sa pangalan ng Diyos. Tiniis mo lang ang pagdurusa ng brutal na pagmamalupit sa iyong laman, iyon lang. Ito ay pagdurusa na dapat tiisin ng mga tao; ito ang dapat ihandog ng mga tao sa Panginoon ng paglikha, at ito ang halagang dapat nilang bayaran. Ang buhay mo ay hindi nagmula sa iyong mga magulang, at ang iyong mga magulang ay walang karapatang magpasya kung anong landas ang iyong tatahakin. Wala silang karapatan na magpasya kung paano mo tatratuhin ang sarili mong katawan, o kung anong halaga ang babayaran mo upang makapanindigan ka sa iyong patotoo. Ayaw lang nilang magdusa ka ng pisikal na sakit, ito ay dahil sa mga pangangailangan ng mga damdamin ng kanilang laman, at dahil sa katunayan na silay ay nag-iisip mula sa perspektiba ng mga damdamin ng laman, iyon lang. Ngunit bilang isang nilikha, gaano man maghirap ang iyong laman, ito ay isang bagay na dapat mong tiisin. Ang mga tao ay kailangang magbayad ng maraming halaga para makamit ang kaligtasan at magampanan nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha. Ito ang obligasyon at responsabilidad ng tao, at ito ang nararapat na ialay ng isang nilikha sa Panginoon ng paglikha. Dahil ang buhay ng mga tao ay nagmumula sa Diyos, at ang kanilang katawan ay nagmumula rin sa Diyos, ito ay pagdurusa na dapat tiisin ng mga tao. Samakatuwid, pagdating sa pagdurusang dapat tiisin ng mga tao, anuman ang uri ng pisikal na sakit na tinitiis ng iyong katawan, wala kang kailangang ipaliwanag sa iyong mga magulang. Sinasabi ng iyong mga magulang, “Ang iyong katawan ay ibinigay sa iyo ng iyong mga magulang,” pero ano ngayon? Bagamat ang mga tao ay isinilang at pinalaki ng kanilang mga magulang, hindi nangangahulugan na lahat ng mayroon sila ay galing sa kanilang mga magulang. Hindi ito nangangahulugan na ang mga tao ay dapat sumailalim sa pamimilit at panghihigpit ng kanilang mga magulang pagdating sa landas na tinatahak nila at sa mga halagang binabayaran nila. Hindi ito nangangahulugan na kailangang humingi ng pahintulot ang mga tao sa kanilang mga magulang upang matahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, o upang magampanan ang tungkulin ng isang nilikha sa harap ng Panginoon ng paglikha. Samakatuwid, hindi mo kailangang magpaliwanag sa iyong mga magulang. Ang Siyang dapat mong paliwanagan ay ang Diyos. Hindi mahalaga kung nagdurusa ka o hindi, dapat mong ibigay ang lahat sa Diyos. Higit pa rito, kung sumusunod ka sa tamang landas, kung gayon ay tatanggapin at tatandaan ng Diyos ang lahat ng halagang binayaran mo. Dahil tatandaan at kikilalanin ng Diyos ang mga ito, magiging sulit ang pagbayad sa mga halagang iyon. Magdurusa ang iyong laman ng kaunting pisikal na sakit, ngunit ang mga halagang ito ay magbibigay sa iyo ng kakayahang makapanindigan sa iyong patotoo sa huli, upang matamo ang pagsang-ayon ng Diyos, at makamit ang kaligtasan, at tatandaan ng Diyos ang mga ito. Walang ibang maaaring maipagpalit para doon. Ang diumano’y mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, o ang kanilang mga pamumuna sa iyo, ay hindi mahalaga at walang kabuluhan kapag ikinumpara sa tungkuling dapat mong gampanan, at sa patotoong dapat mong dalhin sa harapan ng Diyos, dahil ang paghihirap na tinitiis mo ay napakahalaga at napakamakabuluhan! Mula sa perspektiba ng isang nilikha, ito ang pinakamakabuluhan at pinakamahalagang bagay sa buhay. Samakatuwid, ang mga tao ay hindi dapat maging mahina at manlumo, o mahulog sa tukso dahil sa mga salita ng kanilang mga magulang, at lalong hindi sila dapat makaramdam ng panghihinayang, pagkakonsensiya, o na binigo nila ang kanilang mga magulang dahil sa mga sinabi ng mga ito. Dapat ikarangal ng mga tao ang pagdurusang tiniis nila, at sabihing: “Pinili ako ng Diyos, at binigyan Niya ng kakayahan ang aking laman na magbayad ng ganitong halaga, at marahas na abusuhin ni Satanas, upang magkaroon ako ng pagkakataong magpatotoo para sa Kanya.” Isang karangalan para sa iyo na mapili ng Diyos mula sa Kanyang napakaraming hinirang. Hindi mo ito dapat ikalungkot. Kung naninindigan ka sa iyong patotoo, at ipinapahiya mo si Satanas, kung gayon, ito ang pinakamalaking karangalan sa buhay para sa isang nilikha. Anumang uri ng karamdaman o epekto ang tinitiis ng iyong katawan pagkatapos itong brutal na mapagmalupitan, o gaano man kasakit para sa iyong pamilya at mga magulang na makita kang ganoon, hindi ka dapat mahiya o magalit, o makaramdam na binigo mo ang iyong mga magulang dahil dito, dahil ang lahat ng iyong nagawa ay pagbabayad ng halaga para sa isang makatarungang layon, at ito ay isang mabuting gawa. Walang taong kwalipikadong pumuna sa iyong mabubuting gawa, walang tao ang kwalipikado o may karapatang gumawa ng mga iresponsable, kritikal na komento o panghuhusga tungkol sa iyong pananampalataya sa Diyos, pagsunod sa Diyos, at paggampan sa iyong tungkulin. Tanging ang Panginoon ng paglikha ang kwalipikadong humusga sa iyong pag-uugali, sa mga halagang binayaran mo, at sa mga naging pasya mo. Walang ibang kwalipikadong humusga—wala sa kanila, kabilang na ang iyong mga magulang, ang kwalipikadong pumuna sa iyo. Kung sila ang mga taong pinakamalapit sa iyo, dapat ka nilang unawain, hikayatin, at pagaanin ang loob mo. Dapat ka nilang suportahan sa pagpupursige, sa paninindigan sa iyong patotoo, at sa pag-iwas na bumigay o sumuko kay Satanas. Dapat ka nilang ipagmalaki at dapat silang maging masaya para sa iyo. Dahil nagawa mong magpursige hanggang ngayon at hindi ka sumuko kay Satanas upang makapanindigan ka sa iyong patotoo, dapat nilang palakasin ang loob mo. Hindi ka nila dapat pigilan, at lalong hindi ka nila dapat sawayin. Kung may ginawa kang mali, magiging kwalipikado silang punahin ka. Kung tinahak mo ang maling landas, pinahiya ang Diyos, ipinagkanulo ang mga positibong bagay at ang katotohanan, kung gayon, magiging kwalipikado silang punahin ka. Subalit dahil lahat ng iyong kilos ay positibo, at tinatanggap at tinatandaan ng Diyos ang mga ito, kung pinupuna ka nila, ito ay dahil hindi nila matukoy ang kaibahan ng mabuti at masama. Sila ang mali. Masama ang loob nila tungkol sa iyong pananampalataya sa Diyos, sa iyong pagtahak sa tamang landas, at sa pagiging mabuting tao mo—bakit ganoon, kapag inuusig ka ni Satanas, hindi ito ang kanilang pinupuna? Pinupuna ka nila dahil sa sarili nilang mga damdamin—ano ang ginawa mong mali? Hindi ba’t iniwasan mo lang na maging Hudas? Hindi ka naging Hudas, tumanggi kang makipagtulungan o makipagkompromiso kay Satanas, at dinanas mo ang pagpapahirap at hindi makataong pagtrato na ito upang makapanindigan sa iyong patotoo—ano ang mali roon? Wala kang ginawang mali. Mula sa perspektiba ng Diyos, nagagalak Siya para sa iyo, ipinagmamalaki ka Niya. Gayunpaman, ikinahihiya ka ng iyong mga magulang, at pinupuna nila ang iyong mabubuting gawa—hindi ba’t ito ay kagaya ng pagkalito sa kung alin ang puti at itim? Mabubuting magulang ba ang mga ito? Bakit hindi si Satanas ang pinupuna nila, at ang masasamang tao at diyablo na nagmamalupit sa iyo? Bukod sa hindi ka nakatatanggap ng anumang kaginhawahan, panghihikayat, o suporta mula sa iyong mga magulang, sa kabaligtaran, pinupuna at pinagagalitan ka pa nila, samantalang anuman ang masamang ginagawa ni Satanas, hindi nila ito kinokondena o sinusumpa. Hindi sila nangangahas na magsabi ng ni isang masamang salita tungkol dito o na sawayin ito. Hindi nila sinasabing: “Paano mo nagagawang pahirapan ang isang mabuting tao nang ganito? Ang ginawa lang niya ay manampalataya sa Diyos at tumahak sa tamang landas, hindi ba? Wala siyang ninakaw na anuman o hindi niya ninakawan ang sinuman, wala siyang nilabag na batas, kaya bakit ninyo siya pinapahirapan nang ganito? Dapat ay hinihikayat ninyo ang mga taong katulad niya. Kung ang lahat ng tao sa lipunan ay mananampalataya sa Diyos at tatahak sa tamang landas, kung gayon, hindi na mangangailangan ng mga batas ang lipunang ito, at hindi na magkakaroon ng anumang krimen.” Bakit hindi nila pinupuna si Satanas nang ganito? Bakit hindi sila nangangahas na punahin ang mga Satanas at diyablo na nagmamalupit sa iyo? Sinasaway ka nila sa pagtahak sa tamang landas, ngunit kapag gumagawa ng masasamang gawa ang masasamang tao, lihim nilang sinasang-ayunan ang mga ito. Ano ang tingin mo sa mga magulang na ito? Dapat ka bang maawa sa kanila? Dapat ka bang maging mabuting anak sa kanila? Dapat mo ba silang mahalin sa puso mo? Karapat-dapat ba sila sa iyong pagiging mabuting anak? (Hindi.) Hindi sila karapat-dapat. Hindi nila matukoy ang tama sa mali, o ang mabuti sa masama. Sila ay isang pares ng mga taong naguguluhan. Bukod sa mga damdamin, wala na silang ibang naiintindihan. Hindi nila naiintindihan kung ano ang hustisya, o kung ano ang ibig sabihin ng pagtahak sa tamang landas, hindi nila alam kung ano ang mga negatibong bagay, o kung ano ang masasamang pwersa, ang alam lang nila ay pangalagaan ang sarili nilang mga damdamin at ang kanilang laman. Bukod sa napakababaw na antas na ito ng mga ugnayan sa laman, ang tanging nilalamang ideya ng kanilang puso ay: “Hangga’t ligtas at maayos ang mga anak ko, magiging napakasaya ko na at mapupuno ako ng pasasalamat.” Iyon lang. Pagdating sa tamang landas sa buhay, mga makatarungang layon, o sa pinakamahalaga at pinakamakabuluhang bagay na maaaring gawin ng isang tao sa buhay na ito, hindi nila nauunawaan ang alinman sa mga bagay na ito. Hindi nila nauunawaan ang mga bagay na ito, at pinapagalitan ka nila dahil sa pagsunod sa tamang landas—talagang lubos silang naguguluhan. Ano ang tingin mo sa mga magulang na ito? Hindi ba’t isa silang pares ng matatandang diyablo? Dapat mong pagnilayan sa puso mo: “Ang dalawang matandang diyablong ito—hanggang ngayon ay nagdurusa ako sa napakaraming pambubugbog, at labis na pagpapahirap, sa mga araw na ito ay nananalangin ako sa Diyos buong araw at gabi, at binabantayan at inaalagaan Niya ako, kaya buhay pa rin ako hanggang ngayon. Nanindigan ako sa aking patotoo nang may matinding paghihirap, at sa ilang salita ay ganap ninyong itinatwa ito. Mali bang tahakin ko ang tamang landas? Mali bang gampanan ko ang tungkulin ng isang nilikha? Siguro naman ay hindi maling hindi ako naging Hudas? Ang dalawang matandang diyablong ito! ‘Ang iyong katawan ay ibinigay sa iyo ng iyong mga magulang’—lahat ng taglay ko ay malinaw na nagmumula sa Diyos, kayo ba ang nagbigay nito sa akin? Sadyang inorden lamang ng Diyos na kayo ang magsilang at magpalaki sa akin, na palakihin ako sa inyong mga kamay. Nababagabag kayo tungkol sa akin, at nasasaktan at sumasama ang loob ninyo para lang matugunan ang inyong emosyonal na mga pangangailangan. Natatakot kayo na kung mamatay ako, walang mag-aalaga sa inyo kapag kayo ay matanda na o na walang magsasaayos ng inyong lamay. Natatakot kayong pagtawanan ng mga tao, at na iisipin nilang pinahiya ko kayo.” Kung nakulong ka dahil nakagawa ka ng krimen, dahil nagnakaw ka ng isang bagay, o na ninakawan, dinaya, o niloko mo ang isang tao, maaaring ipaglaban ka nila, sasabihing: “Mabait ang anak ko, wala siyang ginawang masama. Hindi siya likas na masama, siya ay mabuting tao at mabait. Sadyang negatibong naimpluwensiyahan lamang siya ng masasamang kalakaran ng mundong ito. Sana ay maging maluwag sa kanya ang gobyerno.” Ipaglalaban ka nila, ngunit dahil tinatahak mo ang landas ng pananampalataya sa Diyos, dahil tinatahak mo ang tamang landas, hinahamak ka nila mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa anong paraan ka nila hinahamak? “Tingnan mo nga ang ginawa mo sa sarili mo. Tama ba iyang ginagawa mo sa amin?” Dapat mong pag-isipan sa puso mo: “Ano ang ibig sabihin ng ‘Tingnan mo nga ang ginawa mo sa sarili mo’? Tinatahak ko lang ang tamang landas sa buhay—ito ang tinatawag na pagiging totoong tao! Ito ay tinatawag na pagtataglay ng mabubuting gawa at patotoo; ito ay kalakasan. Tanging ang ganitong mga tao ang tunay na nagtataglay ng konsensiya at katwiran, at hindi mga duwag, walang kwenta, o mga Hudas. Anong ginawa ko sa sarili ko? Ito ang tunay na wangis ng tao! Bukod sa hindi kayo masaya para sa akin, sinasaway rin ninyo ako—anong klaseng mga magulang kayo? Hindi kayo karapat-dapat na maging mga magulang, dapat kayong sumpain!” Kung ganito ka mag-isip, iiyak ka pa rin ba kapag naririnig mo na sinasabi ng iyong mga magulang: “Ang iyong katawan ay ibinigay sa iyo ng iyong mga magulang, paanong hinayaan mong mawasak ang iyong sarili nang ganito”? (Hindi.) Ano ang iisipin mo pagkatapos marinig ang pananalitang iyon? “Malaking kalokohan. Tunay nga silang isang pares ng matatandang hangal! ‘Ang iyong katawan ay ibinigay sa iyo ng iyong mga magulang’—ni hindi mo nga alam kung sino ang nagbigay sa iyo ng iyong katawan, at ginagamit mo ang mga salitang ito para sawayin ako, talaga ngang naguguluhan ka! Malinaw na ang mga diyablo at si Satanas ang nagmamalupit sa akin. Bakit ka nalilito sa kung alin ang puti at itim at ako pa ang iyong pinupuna? Nilabag ko ba ang batas? May ninakaw ba ako o may ninakawan ba ako, may dinaya o niloko ba ako? Anong mga batas ang nilabag ko? Wala akong anumang batas na nilabag, pinagmalupitan ako nang ganito ni Satanas dahil sinusunod ko ang tamang landas. Wala akong ipinagkanulo na kahit isang salita hanggang ngayon, hindi ako naging Hudas—sino pa ba ang nagtataglay ng ganitong uri ng kalakasan? Bukod sa hindi mo ako pinupuri o hinihikayat, sinasaway mo pa ako. Isa kang diyablo!” Kung ganito ka mag-isip, hindi ka iiyak o manghihina, hindi ba? Hindi alam ng iyong mga magulang ang tama sa mali, pinagkakamalan nilang itim ang puti, dahil hindi sila nananampalataya sa Diyos, at hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Nauunawaan mo ang katotohanan, kaya hindi ka dapat maimpluwensiyahan ng mga maladiyablong salita at ng mga maling paniniwala na sinasabi nila. Sa halip, dapat patuloy mong panghawakan ang katotohanan. Sa ganitong paraan, tunay kang makakapanindigan sa iyong patotoo. Hindi ba’t totoo iyon? (Totoo.)
Sabihin mo sa Akin, madali bang manindigan sa iyong patotoo? Una, dapat kang kumawala sa iyong mga damdamin, pangalawa, dapat mong maunawaan ang katotohanan. Sa paraang ito mo lamang hindi mararanasan ang anumang kahinaan, magagawang manindigan sa iyong patotoo, at makikilala at matatanggap ka ng Diyos sa mga ganitong espesyal na sitwasyon; saka ka lamang kikilalanin ng Diyos bilang isang mananagumpay at Kanyang tagasunod. Kapag nagtagumpay ka, kapag hindi mo binigo ang Diyos, sa halip na ang iyong mga magulang ang hindi mo binigo, magagawa mong bitiwan ang lahat ng ekspektasyon ng iyong mga magulang sa iyo, hindi ba? Hindi mahalaga ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, walang saysay ang mga ito; ang pagtupad sa mga ekspektasyon ng Diyos, at ang paninindigan sa iyong patotoo para sa Diyos ang mga pinakamahalagang bagay, ang mga ito ang saloobin at mga paghahangad na dapat taglayin ng isang nilikha. Hindi ba’t totoo ito? (Totoo.) Kapag nanghihina ka, kapag naliligaw ka ng landas, lalo na kapag dinudumog at inuusig ka ng mga Satanas habang sumusunod ka sa tamang landas, o kaya ay itinataboy, kinukutya, at itinatakwil ka ng mga tao sa sekular na mundo, ang mga nasa paligid mo—ang iyong mga kamag-anak, kaibigan, at kakilala—ay mag-iisip na may ginawa kang kahiya-hiya, at walang sinuman ang makauunawa, manghihikayat, susuporta, o magbibigay-ginhawa sa iyo. Lalong walang sinumang tutulong sa iyo, magpapakita sa iyo ng daan, o magtuturo sa landas ng pagsasagawa. Kabilang dito ang mga magulang mo. Dahil wala ka sa kanilang tabi, hindi ka nagiging isang mabuting anak, o dahil hindi mo sila natutulungang mamuhay nang maayos o nasusuklian ang kanilang kabutihan dahil nananampalataya ka sa Diyos at ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi ka nila mauunawaan. Ang perspektiba nila ay magiging kapareho ng sa mga tao sa sekular na mundo—iisipin nilang pinahiya mo sila, na wala silang nakuhang kapalit sa pagpapalaki sa iyo, na wala silang natanggap na mga pakinabang mula sa iyo, na hindi mo natupad ang kanilang mga ekspektasyon, na binigo mo sila, at na isa kang walang malasakit na ingrata. Hindi ka mauunawaan ng iyong mga magulang, at hindi ka nila mabibigyan ng anumang positibong gabay, lalo na ng iyong mga kamag-anak at kaibigan. Habang tumatahak ka sa tamang landas, tanging ang Diyos ang walang sawang nanghihikayat, tumutulong, nagbibigay-ginhawa, at nagtutustos sa iyo. Kapag pinahihirapan at sinasaktan ka sa kulungan, tanging ang salita ng Diyos at ang pananalig na ibinigay Niya sa iyo ang makapagpapalakas sa iyo sa bawat segundo, minuto, at araw. Kaya, kapag nagtitiis ka ng matinding pambubugbog, magagawa mong patuloy na gustuhing manindigan sa iyong patotoo para sa Diyos, na patuloy na umiwas sa pagiging Hudas, at patuloy na naising magbigay ng kaluwalhatian sa pangalan ng Diyos at ipahiya si Satanas, dahil sa salita ng Diyos at sa pananalig na ibinigay ng Diyos sa iyo. Magagawa mo ang mga bagay na ito sa isang aspekto dahil sa iyong determinasyon, at sa isa pang mas mahalagang aspekto, dahil sa gabay, pangangalaga, at pamumuno ng Diyos. Samantalang ang iyong mga magulang, kapag sa oras na kailangang-kailangan mo ng karamay at tulong, ang tanging iniisip pa rin nila ay ang kanilang sarili, sinasabi nilang isa kang walang malasakit na ingrata, na hinding-hindi sila makakaasa sa iyo sa buhay na ito, at na walang saysay ang pagpapalaki nila sa iyo. Hindi pa rin nila nakakalimutan na sila ang nagpalaki sa iyo, na nais nilang umasa sa iyo para matulungan silang mamuhay nang maganda, para mabigyan ng kaluwalhatian ang iyong mga ninuno, at para maging taas-noo sila at maipagmalaki ka sa harap ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan. Ang mga magulang na hindi nananampalataya sa Diyos ay hindi kailanman nakadarama ng karangalan at pagkamapalad dahil sa iyong pananampalataya. Sa kabaligtaran, madalas ka nilang pagsabihan dahil wala kang oras para bisitahin o alagaan sila dahil nananampalataya ka sa Diyos at abala ka sa pagtupad ng iyong tungkulin. Bukod sa pinagsasabihan ka nila, madalas ka rin nilang pinagagalitan, tinatawag kang isang “walang malasakit na ingrata” at “walang utang na loob na anak.” Hindi ba’t nararamdaman mong mahirap para sa iyo na tumahak sa tamang landas habang dala-dala ang masasamang katawagan na ito? Hindi ba’t pakiramdam mo ay naaagrabyado ka? Hindi ba’t kailangan mo ang suporta, pampatibay-loob, at pang-unawa ng iyong mga magulang habang dinaranas mo ang mga bagay na ito? Hindi ba’t madalas mong nararamdaman na binigo mo ang iyong mga magulang? Dahil dito, ang ilang tao ay nakakaisip pa nga ng kahangalan: “Sa buhay na ito, hindi ako nakatadhanang magpakita ng pagkamabuting anak sa mga magulang ko o na manirahan kasama nila. Kung gayon, sa susunod na buhay ko ipapakita sa kanila ang pagiging mabuting anak!” Hindi ba’t kahangalan ang kaisipang ito? (Oo.) Hindi ka dapat nag-iisip nang ganito; dapat mong lutasin ang mga ito mula sa ugat. Tumatahak ka sa tamang landas, pinili mong gampanan ang tungkulin ng isang nilikha, at humarap sa Panginoon ng paglikha upang matanggap ang kaligtasan ng Diyos. Iyon lang ang tamang landas sa mundong ito. Tama ang ginawa mong pasya. Gaano man karami sa mga hindi nananampalataya, kabilang na ang iyong mga magulang, ang nagkakamali ng pagkaunawa sa iyo o nadidismaya sa iyo, hindi ito dapat makaapekto sa iyong pagpapasya na tumahak sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos o sa iyong determinasyon na gampanan ang iyong tungkulin, at hindi rin ito dapat makaapekto sa iyong pananalig sa Diyos. Dapat kang magtiyaga, dahil tumatahak ka sa tamang landas. Higit pa rito, dapat mong bitiwan ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang. Hindi sila dapat maging mga pabigat sa iyo habang tinatahak mo ang tamang landas. Sumusunod ka sa tamang landas, ginawa mo ang pinakatamang kapasyahan sa buhay; kung hindi ka sinusuportahan ng iyong mga magulang, kung palagi ka nilang pinagagalitan dahil sa pagiging isang walang malasakit na ingrata, mas lalong dapat mo silang makilatis, at bitiwan sila sa emosyonal na aspekto, at hindi magpapigil sa kanila. Kung hindi ka nila sinusuportahan, pinapatibay-ang-loob, o binibigyang-ginhawa, magiging ayos ka lang—hindi ka makapagkakamit o mawawalan ng anumang bagay kung mayroon ang mga bagay na ito o wala. Ang pinakamahalaga ay ang mga ekspektasyon ng Diyos para sa iyo. Hinihikayat ka ng Diyos, tinutustusan ka, at ginagabayan ka. Hindi ka nag-iisa. Kung wala ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, magagampanan mo pa rin ang tungkulin ng isang nilikha, at sa batayang ito, magiging isang mabuting tao ka pa rin. Ang pagbitiw sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang ay hindi nangangahulugang wala ka nang etika at moral, at lalong hindi ito nangangahulugan na tinalikuran mo na ang iyong pagkatao, o moralidad at katarungan. Ang dahilan kung bakit hindi mo natupad ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang ay dahil pinili mo ang mga positibong bagay, at pinili mong gampanan ang tungkulin ng isang nilikha. Walang mali rito, ito ang pinakatamang landas. Dapat kang magtiyaga at manatiling matatag sa iyong pananampalataya. Posible na hindi mo makukuha ang suporta ng iyong mga magulang, at lalong hindi ang kanilang pagsang-ayon, dahil nananampalataya ka sa Diyos at ginagampanan mo ang tungkulin ng isang nilikha, ngunit hindi ito mahalaga. Hindi ito mahalaga, walang anumang nawala sa iyo. Ang pinakamahalagang bagay ay na kapag pinili mong tahakin ang landas ng pananampalataya sa Diyos at ng paggampan sa tungkulin ng isang nilikha, nagkakaroon ang Diyos ng mga ekspektasyon at mataas na inaasam para sa iyo. Habang nabubuhay sa mundong ito, kung malalayo ang mga tao sa kanilang mga kaibigan at kamag-anak, makapamumuhay pa rin sila nang maayos. Siyempre, maaari silang mamuhay nang normal pagkatapos na mawalay sa kanilang mga magulang. Kapag nalalayo sila sa patnubay at mga pagpapala ng Diyos, saka sila nasasadlak sa kadiliman. Kung ikukumpara sa mga ekspektasyon ng Diyos sa mga tao at sa Kanyang patnubay, ang mga ekspektasyon ng magulang ay talagang hindi mahalaga at walang kabuluhan. Hindi mahalaga kung anong uri ng tao ang nais ng iyong mga magulang na tularan mo, o kung anong uri ng buhay ang inaasahan nilang ipamuhay mo sa emosyonal na antas, hindi ka nila ginagabayan sa tamang landas, o sa landas ng kaligtasan. Samakatuwid, dapat mong baguhin ang iyong pananaw, at bitiwan ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang mula sa kaibuturan ng iyong puso, at sa emosyonal na antas. Hindi mo dapat patuloy na balikatin ang ganitong uri ng pasanin, o makonsensiya sa iyong mga magulang dahil pinili mong gampanan ang tungkulin ng isang nilikha. Wala kang anumang ginawa para biguin ang sinuman. Pinili mong sundin ang Diyos at tanggapin ang Kanyang kaligtasan. Hindi ito pagpapabaya sa iyong mga magulang, sa kabaligtaran, dapat ipagmalaki at ikarangal ng iyong mga magulang dahil pinili mong gampanan ang tungkulin ng isang nilikha at tanggapin ang pagliligtas ng Lumikha. Kung hindi nila ito magagawa, hindi sila mabubuting tao. Hindi sila karapat-dapat sa iyong respeto, ni hindi sila karapat-dapat sa iyong pagiging mabuting anak, at, siyempre, mas lalong hindi sila karapat-dapat sa iyong malasakit. Hindi ba’t totoo iyon? (Totoo.)
Sa mundong ito, anong uri ng mga tao ang pinakakarapat-dapat na respetuhin? Hindi ba’t iyong mga tumatahak sa tamang landas? Ano ang tinutukoy rito ng “tamang landas”? Hindi ba’t nangangahulugan ito ng paghahangad sa katotohanan at pagtanggap sa pagliligtas ng Diyos? Hindi ba’t ang mga tumatahak sa tamang landas ay mga taong sumusunod at nagpapasakop sa Diyos? (Oo.) Kung ikaw ay ganitong uri ng tao, o sinisikap mong maging ganito, at hindi ka naiintindihan ng iyong mga magulang, at palagi ka pa nga nilang minumura—kung, kapag ikaw ay nanghihina, nanlulumo, at hindi mo alam ang gagawin, maliban sa hindi ka nila sinusuportahan, binibigyang-ginhawa, o hinihikayat, madalas din nilang iginigiit na bumalik ka para maging mabuting anak sa kanila, na kumita ka ng maraming pera at alagaan sila, na huwag silang biguin, na hayaan silang makibahagi sa iyong tagumpay, at mamuhay nang maganda kasama ka—hindi ba’t dapat isantabi ang ganitong mga magulang? (Oo nga.) Ang mga ganitong magulang ay karapat-dapat ba sa iyong respeto? Sila ba ay karapat-dapat sa pagiging mabuti mong anak? Karapat-dapat ba sila sa pagtupad mo sa iyong responsabilidad sa kanila? (Hindi.) Bakit hindi? Ito ay dahil tutol sila sa mga positibong bagay, hindi ba’t isa itong katunayan? (Oo.) Ito ay dahil napopoot sila sa Diyos, hindi ba’t isa iyong katunayan? (Oo.) Ito ay dahil hinahamak nila ang pagtahak mo sa tamang landas, hindi ba’t isa iyong katunayan? (Oo.) Hinahamak nila ang mga taong nakikibahagi sa mga makatarungang layon; kinukutya at minamaliit ka nila dahil sinusunod mo ang Diyos at ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Anong klase ng mga magulang ang ganito? Hindi ba’t sila ay kasuklam-suklam at ubod ng sama na mga magulang? Hindi ba’t sila ay makasariling mga magulang? Hindi ba’t sila ay buktot na mga magulang? (Ganoon nga sila.) Inilagay ka sa listahan ng mga pinaghahanap at tinugis ka ng malaking pulang dragon dahill sa iyong pananampalataya sa Diyos, nagtatago ka, hindi ka makauwi, at ang ilang tao ay kinailangan pa ngang mangibang-bansa. Sinasabi ng lahat ng iyong mga kamag-anak, kaibigan, at kaklase na ikaw ay naging isang pugante, at dahil sa mga tsismis at sabi-sabing ito na mula sa ibang tao, iniisip ng iyong mga magulang na dahil sa iyo ay nagdusa sila nang hindi makatarungan, at pinahiya mo sila. Bukod sa hindi sila nakauunawa, sumusuporta, o nakikisimpatiya sa iyo, bukod sa hindi nila sinasaway ang mga taong nagpapakalat ng mga tsismis na iyon, at iyong mga namumuhi at nandidiskrimina sa iyo, kinapopootan ka rin ng mga magulang mo, ang mga bagay na sinasabi nila tungkol sa iyo ay katulad ng sa mga taong hindi nananampalataya sa Diyos at ng sa mga nasa kapangyarihan. Ano ang tingin mo sa mga magulang na ito? Mabuti ba sila? (Hindi.) Kung gayon, nararamdaman mo pa rin ba na may utang ka sa kanila? (Hindi.) Kung tatawagan mo paminsan-minsan ang iyong pamilya, iisipin nila na para itong pagtanggap ng tawag mula sa isang pugante. Madarama nila na isa itong malaking kahihiyan, at na hindi ka mangangahas man lang na umuwi sa bahay, na parang isang hinahabol na daga. Madarama nila na nakakahiya kang maging anak. Karapat-dapat bang respetuhin ang mga ganitong magulang? (Hindi.) Hindi sila karapat-dapat na respetuhin. Kaya, ano ang kalikasan ng kanilang mga ekspektasyon sa iyo? Karapat-dapat bang isaalang-alang ninyo ang mga ito? (Hindi.) Ano ang pangunahing layon ng kanilang mga ekspektasyon sa iyo? Talaga bang gusto nilang tahakin mo ang tamang landas at matamo mo ang kaligtasan sa huli? Umaasa sila na susunod ka sa mga kalakaran ng lipunan at aangat ka sa mundo, na bibigyan mo sila ng karangalan, bibigyan sila ng kakayahang harapin ang mundo nang may dignidad, at maging kanilang ipinagmamalaki at kagalakan. Ano pa? Nais nilang makibahagi sa tagumpay mo, na kumain at uminom nang masagana, magsuot ng magagandang brand at maging mayaman sa ginto at pilak. Gusto nilang sumakay sa mga luxury cruise ship at maglakbay sa bawat bansa sa mundo. Kung makakaangat ka sa mundo, magkakaroon ng kasikatan at pera sa mundong ito, at hahayaan mo silang makibahagi sa iyong tagumpay, babanggitin nila ang pangalan mo kahit saan sila magpunta, sasabihing: “Ang anak kong lalaki, ang anak kong babae ay ganito-at-ganyan.” Binabanggit ba nila ang pangalan mo ngayon? (Hindi.) Tumatahak ka sa tamang landas, pero hindi nila binabanggit ang pangalan mo. Iniisip nila na wala kang pera at naghihikahos, isang kahihiyan, at na ang pagbanggit tungkol sa iyo ay katumbas lang ng pagpapahiya sa kanilang sarili, kaya hindi ka nila binabanggit. Samakatuwid, ano ang pakay ng mga ekspektasyon ng iyong mga magulang? Iyon ay upang makibahagi sa tagumpay mo, hindi ito para lamang sa sarili mong kabutihan. Magiging masaya lamang sila kapag naging bahagi sila ng iyong tagumpay. Ngayon ay nagbalik ka na sa harap ng Panginoon ng paglikha, at tinanggap mo ang Diyos, ang Kanyang pagliligtas, at ang Kanyang mga salita, ngayon ay inaako mo na ang tungkulin ng isang nilikha, at tinatahak ang tamang landas sa buhay, wala silang napapakinabangan o nahihita mula sa iyo, at pakiramdam nila ay nalugi sila sa pagpapalaki sa iyo. Para silang nagnenegosyo, na nalugi. Dahil dito, napuno sila ng panghihinayang. Madalas na sinasabi ng ilang magulang: “Ang pagpapalaki sa iyo ay mas masahol pa sa pagpapalaki ng aso. Kapag nagpapalaki ka ng aso, napakapalakaibigan nito at marunong itong magwagwag ng buntot kapag nakikita ang amo nito. Ano ang maaasahan ko sa pagpapalaki sa iyo? Buong araw kang nananampalataya sa Diyos at ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi ka nagnenegosyo, hindi ka nagtatrabaho, ni ayaw mo nga ng maayos na kabuhayan, at sa huli, pinagtatawanan na tayo ng lahat ng kapitbahay natin. Ano ang napala ko sa iyo? Wala akong nakuhang ni isang magandang bagay mula sa iyo, ni hindi ako naging bahagi ng anumang tagumpay.” Kung sinunod mo ang masasamang kalakaran ng sekular na mundo, at nagsumikap kang maging matagumpay roon, malamang na susuportahan, hihikayatin, at bibigyang-ginhawa ka ng iyong mga magulang kung magdurusa ka, magkakasakit, o malulungkot. Gayunpaman, hindi sila natutuwa o nagagalak sa katunayang nananampalataya ka sa Diyos at na may pagkakataon kang maligtas. Sa kabaligtaran, kinamumuhian at sinusumpa ka nila. Batay sa kanilang diwa, ang mga ganitong magulang ay mga kalaban mo at mga sinumpaang kaaway, hindi mo sila kauri, at hindi sila tumatahak sa landas na gaya ng sa iyo. Bagamat sa panlabas ay mukha kayong magkakapamilya, batay sa iyong mga diwa, paghahangad, kagustuhan, landas na sinusundan, at iba’t ibang saloobin ng pagharap mo sa mga positibong bagay, sa Diyos, at sa katotohanan, hindi mo sila kauri. Samakatuwid, kahit gaano kadalas mo pa sabihing, “May pag-asa akong maligtas, tinahak ko na ang tamang landas sa buhay,” hindi sila matitinag, at hindi sila magiging masaya para sa iyo, o magagalak para sa iyo. Sa halip, mapapahiya sila. Sa emosyonal na antas, ang mga magulang na ito ay ang iyong pamilya, ngunit batay sa iyong mga kalikasang diwa, hindi mo sila pamilya, sila ay mga kaaway mo. Isipin mo, kung ang mga anak ay nagdadala ng mga regalo at pera kapag umuuwi sila, at pinakakain nang masagana ang kanilang mga magulang at pinatitira sa magagandang lugar, labis na matutuwa ang kanilang mga magulang, magiging masayang-masaya na hindi na nila alam kung ano ang sasabihin nila. Sa puso nila, palagi nilang sasabihin: “Napakagaling ng anak kong lalaki, napakagaling ng anak kong babae. Hindi naging walang saysay ang pagpapalaki at pagmamahal ko sa kanila. Matino sila, alam nila kung paano maging mabubuting anak sa amin, at mayroon kaming puwang sa puso nila. Mabait silang anak.” Sabihin nating umuwi ka na walang dala, nang walang anumang binili, dahil nananampalataya ka sa Diyos at ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Ipagpalagay na ibinabahagi mo ang katotohanan sa iyong mga magulang, tinatalakay mo ang tungkol sa salita ng Diyos, at sinasabi na tinahak mo na ang landas sa paghahangad sa katotohanan. Iisipin kaagad ng iyong mga magulang: “Ano ang pinagsasabi mo? Hindi kita maintindihan. Ilang taon kitang pinalaki, at hindi mo natupad ang alinman sa mga ekspektasyon ko. Sa wakas ay bumalik ka na para bisitahin kami, sana man lang ay binilhan mo kami ng isang pares ng medyas o ng ilang prutas. Wala kang anumang dala, bumalik ka lang nang walang bitbit.” Hindi sasabihin ng iyong mga magulang na: “Nang marinig naming sabihin mo ang mga bagay na ito, masasabi kong malaki ang pinagbago mo. Noon, bata ka pa at mayabang, pero ngayon ay nagbago ka na talaga. Masasabi ko na ang lahat ng bagay na tinatalakay mo ay mga tamang bagay. Nakausad ka na. May potensyal ka, at may pag-asa ka—nagagawa mong tumahak sa tamang landas, at sumunod sa Diyos at magtamo ng kaligtasan. Mabuti kang anak. Naghihirap ka sa labas, dapat ipagluto kita ng masarap na makakain. Nag-aalaga kami ng ilang manok, at kadalasan ay ayaw naming patayin ang mga ito, sa halip ay naghihintay kami na makain ang mga itlog. Ngunit ngayong umuwi ka na, magkakatay ako ng manok, at magluluto ako ng sopas na may manok para sa iyo. Tama na pinili mo ang landas na ito, makakamit mo ang kaligtasan. Masayang-masaya ako para sa iyo! Sobra akong nangulila sa iyo nitong mga nakaraang taon. Bagamat hindi tayo nagkakausap, bumalik ka para bisitahin kami ngayon, at panatag na ang kalooban ko. Lumaki ka na. Mas mature at mas may katwiran ka na kaysa dati. Ang mga bagay na sinasabi at ginagawa mo ay pawang wastong bagay.” Sa pamamagitan ng pagkakita sa kanilang anak na tumatahak sa tamang landas, at nagtataglay ng mga wastong kaisipan at pananaw, maaari ding makinabang ang mga magulang at mapapalawak nila ang kanilang kaalaman. Sapagkat nagagawang gampanan ng kanilang anak ang isang tungkulin, at hangari ang katotohanan, dapat suportahan ng mga magulang ang anak. Kung, sa hinaharap, ang kanilang anak ay magkakamit ng kaligtasan at papasok sa kaharian, at hindi na napipinsala ng kanilang mga sataniko, tiwaling disposisyon, iyon ay isang kahanga-hangang bagay. Bagaman ang mga magulang na ito ay matanda na, mabagal sa pag-unawa sa katotohanan, at hindi lubos na nauunawaan ang mga bagay na ito, nararamdaman nila: “Kayang tumahak ng anak ko sa tamang landas, mabuti iyon. Mabait siyang anak. Walang mataas na posisyon sa gobyerno at walang halaga ng kayamanan ang kasingganda o kasinghalaga nito!” Sabihin mo sa Akin, mabubuting magulang ba ang mga ito? (Oo.) Karapat-dapat ba silang respetuhin? (Oo.) Karapat-dapat sila sa iyong respeto. Kaya, paano mo dapat sila pakitaan ng respeto? Dapat mo silang ipagdasal sa iyong puso. Kung nananampalataya sila sa Diyos, dapat kang magdasal sa Diyos na gabayan at ingatan sila, upang makapanindigan sila sa kanilang patotoo sa panahon ng mga pagsubok at tukso. Kung hindi sila nananampalataya sa Diyos, dapat mo pa ring respetuhin ang kanilang desisyon, at naising maging maayos ang kanilang buhay, na hindi sila gagawa ng anumang masama, at mas kaunti ang kanilang gagawing masasamang gawa, nang sa gayon, sa pinakamainam, hindi sila gaanong magdurusa sa mga kaparusahan pagkatapos nilang mamatay; bukod pa rito, dapat mong gawin ang iyong makakaya para magbahagi tungkol sa ilang positibong bagay, kaisipan, at pananaw sa kanila. Ito ay tinatawag na respeto, at matatawag din ito na pinakamagandang uri ng pagiging mabuting anak sa mga magulang at ang pinakamainam na pagtupad sa iyong mga responsabilidad. Makakamit mo ba ito? (Oo.) Sa espirituwal at sikolohikal na antas, bigyan sila ng lakas ng loob at suporta. Sa pisikal na antas, habang sinasamahan mo sila sa bahay, gawin mo ang lahat ng iyong makakaya para tulungan silang matapos ang ilang gawain, at magbahagi ka tungkol sa ilang bagay na naiintindihan mo at kayang maarok ng iyong mga magulang. Tulungan silang maghinay-hinay lang, huwag masyadong pagurin ang kanilang sarili, huwag masyadong mag-aalala tungkol sa pera at sa kung ano-anong bagay, at hayaan lang na mangyari ang mga bagay-bagay. Ito ay pagrespeto. Tratuhin ang iyong mga magulang bilang mga mabuti, disenteng tao, tuparin ang kaunting responsabilidad mo sa kanila, ipakita sa kanila ang pagiging mabuting anak sa mga magulang, at gampanan ang ilang obligasyon mo sa kanila. Ito ay pagrespeto. Ang mga magulang lamang na nakauunawa at sumusuporta sa iyong pananampalataya sa Diyos na tulad nito ang karapat-dapat na respetuhin. Bukod sa kanila, walang ibang magulang ang karapat-dapat na respetuhin. Bukod sa tinutulak ka nila na kumita ng pera, gusto nilang umangat ka sa mundo, gumawa ng pangalan para sa iyong sarili, at gawin ito o iyon. Ito ang mga magulang na hindi nag-aasikaso sa mga nararapat nilang gawain, at hindi sila karapat-dapat na respetuhin.
Nauunawaan na ninyong lahat ngayon ang pagbitiw sa mga ekspektasyon ng magulang, at nagagawa ninyong bitiwan ang mga ekspektasyon ng inyong mga magulang. Ano pang mga bagay ang hindi ninyo kayang bitiwan? Pagdating sa buhay ng iyong mga magulang o sa mga magulang mo mismo, anong mga bagay ang pinakamahalaga sa iyo? Ibig sabihin, anong mga bagay ang pinakamahirap para sa iyo na iwanan o bitiwan sa emosyonal na aspekto? “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang; hindi ang mga magulang mo ang mga tagapamahala ng iyong buhay o ng iyong kapalaran”—hindi ba’t natapos na natin ang pagbabahaginan sa paksang ito? Naiintindihan mo ba ito? (Oo.) Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang—ibig sabihin, hindi mo kailangang palaging pag-isipan kung paano mo sila dapat suklian dahil lang sa napakahaba ng panahong iginugol nila sa pagpapalaki sa iyo. Kung hindi mo sila masusuklian, kung wala sa iyo ang pagkakataon o mga angkop na sitwasyon para masuklian sila, palagi kang malulungkot at makokonsensiya, hanggang sa punto na malulungkot ka pa sa tuwing nakakakita ka ng isang tao na kasama, inaalagaan ang kanilang mga magulang, o gumagawa ng mga bagay na nagpapakita ng pagiging isang mabuting anak sa kanilang mga magulang. Inorden ng Diyos na palakihin ka ng iyong mga magulang, binibigyan ka ng kakayahang umabot sa hustong gulang, hindi para gugulin mo ang iyong buhay sa pagsukli sa kanila. Mayroon kang mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin sa buhay na ito, isang landas na dapat mong tahakin, at mayroon kang sariling buhay. Sa buhay na ito, hindi mo dapat ibuhos ang lahat ng iyong lakas sa pagsukli sa kabutihan ng iyong mga magulang. Isa lang itong bagay na kasama mo sa iyong buhay at sa iyong landas sa buhay. Kung ang pagkatao at mga emosyonal na ugnayan ang pag-uusapan, ito ay isang bagay na hindi maiiwasan. Ngunit tungkol sa kung anong uri ng ugnayan ang nakatadhana para sa iyo at sa iyong mga magulang, kung magagawa man ninyong mamuhay nang magkasama habambuhay, o kung paghihiwalayin kayo, at hindi pag-uugnayin ng kapalaran, nakasalalay ito sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Kung pinangasiwaan at isinaayos ng Diyos na magiging nasa magkaibang lugar kayo ng iyong mga magulang sa buhay na ito, na magiging napakalayo mo sa kanila, at hindi sila madalas na makakasama, kung gayon, ang pagtupad sa iyong mga responsabilidad sa kanila ay isang uri lamang ng adhikain para sa iyo. Kung isinaayos ng Diyos na manirahan ka nang napakalapit sa iyong mga magulang sa buhay na ito, at na magagawa mong manatili sa tabi nila, kung gayon, ang pagtupad sa iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang, at ang pagpapakita sa kanila ng pagkamabuting anak ay mga bagay na dapat mong gawin sa buhay na ito—walang anumang bagay na mapupuna tungkol dito. Ngunit kung iba ang lugar mo sa iyong mga magulang, at wala sa iyo ang pagkakataon o mga sitwasyon para ipakita sa kanila ang pagkamabuting anak, kung gayon, hindi mo ito kailangang ituring bilang isang kahiya-hiyang bagay. Hindi ka dapat mahiya na harapin ang iyong mga magulang dahil hindi mo magawang ipakita sa kanila ang pagkamabuting anak, sadyang hindi lang ito pinahihintulutan ng iyong sitwasyon. Bilang anak, dapat mong maunawaan na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang. Maraming bagay ang dapat mong gawin sa buhay na ito, at lahat ito ay mga bagay na dapat gawin ng isang nilikha, na ipinagkatiwala sa iyo ng Panginoon ng paglikha, at walang kinalaman ang mga ito sa pagsukli mo sa kabutihan ng iyong mga magulang. Ang pagpapakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, pagsukli sa kanila, pagpapakita sa kanila ng kabutihan—ang mga bagay na ito ay walang kinalaman sa iyong misyon sa buhay. Masasabi rin na hindi mo kinakailangang magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, na suklian sila, o tuparin ang alinman sa iyong mga responsabilidad sa kanila. Sa madaling salita, maaari mong gawin ito nang kaunti at gampanan nang kaunti ang iyong mga responsabilidad kapag pinahihintulutan ng iyong sitwasyon; kapag hindi, hindi mo kailangang piliting gawin ito. Kung hindi mo magagampanan ang iyong mga responsabilidad na magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, hindi ito isang masamang bagay, sumasalungat lang ito nang kaunti sa iyong konsensiya, moralidad ng tao, at mga kuru-kuro ng tao. Ngunit kahit papaano, hindi ito sumasalungat sa katotohanan, at hindi ka kokondenahin ng Diyos dahil dito. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, hindi uusigin ang iyong konsensiya sa bagay na ito. Hindi ba’t napapanatag ang puso ninyo ngayong naunawaan na ninyo ang aspektong ito ng katotohanan? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao: “Bagamat hindi ako kokondenahin ng Diyos, sa aking konsensiya, hindi ko pa rin ito malampasan, at hindi panatag ang pakiramdam ko.” Kung ito ang nararamdaman mo, kung gayon ay masyadong maliit ang tayog mo, at hindi mo naunawaan o nakilala ang diwa ng usaping ito. Hindi mo nauunawaan ang tadhana ng tao, hindi mo nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at hindi ka handang tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Palagi kang nagtataglay ng kalooban ng tao at ng sarili mong mga damdamin, at ang mga bagay na ito ang nagtutulak at nangingibabaw sa iyo; naging buhay mo na ang mga ito. Kung pinipili mo ang kalooban ng tao at ang iyong damdamin, kung gayon ay hindi mo pinili ang katotohanan, at hindi mo isinasagawa ang katotohanan o hindi ka nagpapasakop dito. Kung pinipili mo ang kalooban ng tao at ang iyong damdamin, kung gayon ay ipinagkakanulo mo ang katotohanan. Malinaw na hindi ka tinutulutan ng iyong sitwasyon at ng iyong kapaligiran na magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, ngunit palagi mong iniisip: “May utang ako sa aking mga magulang. Hindi pa ako nagpakita sa kanila ng pagkamabuting anak. Maraming taon na nila akong hindi nakikita. Walang saysay ang pagpapalaki nila sa akin.” Sa kaibuturan ng iyong puso, hindi mo talaga kayang bitiwan ang mga bagay na ito. Pinatutunayan nito ang isang bagay: Hindi mo tinatanggap ang katotohanan. Pagdating sa doktrina, kinikilala mo na ang mga salita ng Diyos ay tama, ngunit hindi mo tinatanggap ang mga ito bilang ang katotohanan, o itinuturing ang mga ito bilang mga prinsipyo ng iyong mga kilos. Kaya, sa pinakamababang antas, pagdating sa usapin ng kung paano mo tinatrato ang iyong mga magulang, hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan. Ito ay dahil, sa usaping ito, hindi ka kumikilos batay sa katotohanan, hindi ka nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos, sa halip ay tinutugunan mo lamang ang iyong mga emosyonal na pangangailangan, at ang mga pangangailangan ng iyong konsensiya, nagnanais na magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang at suklian ang kanilang kabutihan. Bagamat hindi ka kinokondena ng Diyos sa pasyang ito, at ito ang pasya mo, sa huli ang siyang mawawalan, lalo na pagdating sa buhay, ay ikaw. Palagi kang nakagapos sa bagay na ito, palaging iniisip na masyado kang nahihiyang harapin ang iyong mga magulang, na hindi mo nasuklian ang kanilang kabutihan. Isang araw, kapag nakita ng Diyos na napakalaki ng iyong pagnanais na suklian ang kabutihan ng iyong mga magulang, magpapatuloy Siya at mangangasiwa ng isang kapaligiran para sa iyo, at pagkatapos ay makakauwi ka na. Hindi ba’t iniisip mo na ang iyong mga magulang ay mas mataas sa lahat ng bagay, mas mataas kaysa sa katotohanan? Upang maipakita sa kanila ang pagkamabuting anak at matugunan ang mga pangangailangan ng iyong konsensiya at damdamin, mas gugustuhin mo pang mawala ang Diyos, talikuran ang katotohanan, at talikuran ang pagkakataon mong makamit ang kaligtasan. Kung gayon, ayos lang, desisyon mo iyan. Hindi ka kokondenahin ng Diyos dahil dito. Pangangasiwaan ng Diyos ang isang kapaligiran para sa iyo, aalisin ka Niya mula sa Kanyang listahan, at susukuan ka na Niya. Kung pipiliin mong umuwi para magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, at hindi gampanan ang iyong tungkulin, kung gayon, tinatakasan at tinatalikuran mo ang tungkulin na ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo, tinatanggihan mo ang atas at ekspektasyon ng Diyos sa iyo, tinatanggihan mo ang tungkuling ibinigay ng Diyos sa iyo, at tinatalikuran mo ang iyong pagkakataong gumanap ng isang tungkulin. Kung uuwi ka para makasamang muli ang iyong mga magulang, para matugunan ang mga pangangailangan ng iyong konsensiya, at para matugunan ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, ayos lang iyon, maaari kang umuwi. Kung hindi mo talaga kayang bitiwan ang iyong mga magulang, maaari kang magkusa na magtaas ng kamay at magsabing: “Sobra akong nangungulila sa mga magulang ko. Inuusig ako ng aking konsensiya araw-araw, hindi ko matugunan ang aking mga damdamin, at kumikirot ang puso ko. Nangungulila ako sa aking mga magulang, at lagi ko silang naiisip. Kung hindi ako babalik para magpakita ng pagkamabuting anak sa aking mga magulang sa buhay na ito, natatakot ako na hindi na ako magkakaroon ng isa pang pagkakataon, natatakot ako na pagsisisihan ko ito.” Pagkatapos ay maaari ka nang umuwi. Kung ang mga magulang mo ang langit at lupa para sa iyo, kung mas nakahihigit sila sa iyo kaysa sa sarili mong buhay, kung sila ang lahat para sa iyo, kung gayon, maaari kang magpasya na huwag silang bitiwan. Walang pipilit sa iyo. Maaari kang magpasya na umuwi para ipakita sa kanila ang pagkamabuting anak at samahan sila, na bigyan sila ng magandang buhay, at suklian ang kanilang kabutihan. Ngunit kailangan mo itong pag-isipang mabuti. Kung ito ang magiging pasya mo ngayon, at sa huli ay mawawalan ka ng pagkakataong makamit ang kaligtasan, ikaw lang ang papasan sa kalalabasang ito. Walang ibang tao ang makakapasan ng ganitong uri ng kahihinatnan para sa iyo, dapat ikaw mismo ang pumasan nito. Naiintindihan mo ba? (Oo.) Kung mas gugustuhin mong talikuran ang iyong pagkakataong magampanan ang isang tungkulin at makamit ang kaligtasan, para lamang pagkautangan ang iyong mga magulang, at upang mabayaran mo ang iyong mga utang sa kanila, desisyon mo ito. Walang pumipilit sa iyo. Ipagpalagay na may isang tao sa iglesia na humiling, nagsasabing: “Napakahirap mamuhay nang malayo sa tahanan. Sobra akong nangungulila sa mga magulang ko. Hindi ko sila kayang bitiwan sa puso ko. Madalas ko silang napapanaginipan. Sa isip at puso ko, ang tanging naiisip ko ay ang mga alaala nila, at mas lalo akong nakokonsensiya sa lahat ng nagawa nila para sa akin. Ngayong tumatanda na sila, lalo kong nararamdaman na napakahirap para sa mga magulang na magpalaki ng anak, at na dapat ko silang suklian, pasayahin sila, at bigyang-ginhawa sila sa pamamagitan ng aking presensiya sa nalalabing panahon ng buhay nila. Mas gugustuhin kong isuko ang aking pagkakataong maligtas para makauwi ako at maipakita sa kanila ang pagkamabuting anak.” Kung gayon, maaari siyang magsumite ng aplikasyon, na nagsasabing: “Nag-uulat ako! Gusto kong umuwi para magpakita ng pagkamabuting anak sa aking mga magulang, ayaw ko nang gampanan ang aking tungkulin.” Pagkatapos ay dapat itong aprubahan ng iglesia, at walang sinuman ang kailangang gumawa sa kanila o magbahagi sa kanila. Ang magsabi pa ng kahit anong bagay sa kanila ay magiging kahangalan lamang. Kapag walang anumang nauunawaan ang mga tao, maaari kang magsalita nang kaunti pa sa kanila, at magbahagi sa katotohanan hanggang sa malinaw na ito. Kung hindi ka pa nakapagbahagi rito nang malinaw, at gumawa sila ng maling pasya bilang resulta, kung gayon ay ikaw ang mananagot dito. Gayunpaman, kung nauunawaan nila ang lahat tungkol sa doktrina, kung gayon ay walang kailangang gumawa sa kanila. Katulad ito ng sinasabi ng ilang tao: “Nauunawaan ko ang lahat, hindi mo kailangang sabihin sa akin ang kahit ano.” Maganda iyon, hindi mo na kailangang mag-aksaya ng laway sa kanila, makakaiwas ka pa sa abala. Dapat mong tulutan ang mga taong tulad nito na makauwi kaagad. Una, huwag mo silang pigilan; pangalawa, suportahan mo sila; pangatlo, bigyan sila ng kaunting ginhawa at pampatibay-loob, sabihin na: “Umuwi ka at ipakita sa iyong mga magulang ang wastong pagkamabuting anak. Huwag mo silang galitin o pasamain ang loob nila. Kung nais mong magpakita ng pagkamabuting anak sa kanila at suklian sila, dapat kang maging isang mabuting anak. Ngunit huwag kang lubos na manghinayang kapag hindi mo makamit ang kaligtasan sa huli. Mag-ingat ka sa biyahe, sana maging maayos ang lahat!” Ayos ba? (Oo.) Kung may gustong umuwi para magpakita ng pagkamabuting anak sa kanilang mga magulang, ayos lang, hindi nila kailangang pigilan ang kanilang damdamin. Ang paggampan ng isang tungkulin ay boluntaryo, at walang sinuman ang magpipilit na gawin mo ito. Hindi ka kokondenahin sa hindi paggampan sa isang tungkulin. Kung ginagampanan mo ang isang tungkulin, nakatitiyak bang maliligtas ka? Hindi ito tiyak. Ito ay isang usapin lamang ng saloobin na mayroon ka sa paggampan mo sa isang tungkulin. Kung gayon, mawawasak ka ba kung hindi mo ginagampanan ang isang tungkulin? Walang nagsabi niyan. Ano’t anuman, malamang na mawawala ang pag-asa mong maligtas. Sinasabi ng ilang tao: “Mabuti o masamang bagay ba ang magpakita ng pagkamabuting anak sa mga magulang?” Hindi Ko alam. Kung gusto mong magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, gawin mo iyon. Hindi namin ito susuriin, walang kabuluhan na gawin ito. Ito ay isang usapin ng pagkatao at damdamin. Ito ay isang usapin ng pagpili ng iyong pamamaraan ng pag-iral. Wala itong kinalaman sa katotohanan. Ang sinumang gustong umuwi at magpakita ng pagkamabuting anak sa kanyang mga magulang ay malayang gawin ito. Hindi siya pipilitin ng sambahayan ng Diyos na manatili, at hindi makikialam ang sambahayan ng Diyos. Hindi siya dapat pigilang umuwi ng mga lider ng iglesia at ng mga tao sa kanyang paligid. Hindi dapat gumawa sa ganitong uri ng tao ang mga lider ng iglesia at ang mga tao sa paligid nito, o magbahagi ng katotohanan dito. Kung gusto mong umuwi, umuwi ka. Ipaghahanda ka pa ng lahat ng despedida, kakain ng dumplings kasama mo, at sasabihing mag-ingat ka sa biyahe.
Ang mga pinakamalaking ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak, sa isang aspekto, ay na umaasa silang magkakaroon ng magandang buhay ang kanilang mga anak, at sa isa pang aspekto, umaasa sila na ang kanilang mga anak ay nasa tabi nila at babantayan sila kapag matanda na sila. Halimbawa, kung magkakasakit ang isang magulang o makararanas ng ilang paghihirap sa kanyang buhay, aasa siya na makakatulong ang kanyang mga anak na pawiin ang kanyang mga alalahanin at paghihirap, at makibahagi sa pasaning ito. Aasa siya na nasa tabi niya ang kanyang mga anak sa kanyang paglisan sa mundong ito, para makita niya silang muli, sa huling pagkakataon. Kadalasan, ito ang dalawang pinakamalaking ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak, at mahirap bitiwan ang mga ito. Kung magkasakit o daranas ng mga paghihirap ang mga magulang ng isang tao, at hindi niya mabalitaan ang tungkol dito, posible na malulutas ang mga bagay na ito nang hindi niya kinakailangang makialam. Ngunit kung malalaman niya ang mga bagay na ito, kadalasan ay mahihirapan siyang lampasan ang mga ito, lalo na kapag seryoso at malubha ang maging sakit ng mga magulang niya. Sa mga panahong iyon, mas mahirap lalo para sa mga tao na bumitiw. Kapag, sa kaibuturan ng iyong puso, nararamdaman mo na ang kalagayan ng iyong mga magulang ay pareho pa rin sa kalagayan nila 10 o 20 taon na ang nakararaan pagdating sa pisikal, pamumuhay, o trabaho, na kaya pa rin nilang alagaan ang kanilang sarili, at mamuhay nang ganoon kanormal, na sila ay malusog, bata pa, at malakas pa rin, at kapag tingin mo ay hindi ka nila kailangan, hindi ka magkikimkim ng matinding pag-aalala para sa kanila sa puso mo. Ngunit kapag nalaman mo na matanda na ang iyong mga magulang, na ang kanilang mga katawan ay mahina na, at na kailangan nila ng mga taong mag-aalaga sa kanila at makakasama nila, kung ikaw ay nasa ibang lugar, malamang na malulungkot ka, at maaapektuhan ka nito. May mga taong tumatalikod pa nga sa kanilang mga tungkulin, at gustong umuwi para bisitahin ang kanilang mga magulang. Ang ilang emosyonal na tao ay lalo pa ngang di-makatwirang nagpapasya, sinasabing: “Kung magagawa ko lang, ibibigay ko ang 10 taon ng buhay ko sa aking mga magulang.” Mayroon ding ilang tao na naglalayong humingi ng mga pagpapala para sa kanilang mga magulang. Bumibili sila ng lahat ng uri ng produktong pangkalusugan at ng mga bitamina para sa kanilang mga magulang, at kapag nalaman nilang may malubhang karamdaman ang kanilang mga magulang, hindi nila maiwasang maipit sa kanilang mga damdamin, nagnanais na pumunta agad sa tabi ng kanilang mga magulang. Sinasabi ng ilang tao, “Handa pa nga akong kunin ang sakit ng aking mga magulang,” nang hindi isinasaalang-alang kung anong tungkulin ang dapat nilang gampanan, at binabalewala ang atas ng Diyos. Samakatuwid, sa ganitong mga sitwasyon, malamang na magiging mahina ang mga tao at mahuhulog sa tukso. Iiyak ba kayo kung mababalitaan ninyong malubhang nagkasakit ang mga magulang ninyo? Lalo na, ang ilang tao ay nakatatanggap ng sulat sa bahay, na nagsasabing nagbigay na ang doktor ng huling paunawa. Ano ang ibig sabihin ng “nagbigay ng huling paunawa”? Ang pariralang ito ay madaling bigyang-kahulugan. Nangangahulugan ito na ang mga magulang ng mga taong iyon ay mamamatay na sa loob ng ilang araw. Sa oras na iyon, iisipin mo: “Nasa singkuwenta anyos lang ang mga magulang ko. Hindi ito dapat mangyari. Ano ang naging sakit nila?” At kapag ang sagot ay “cancer,” iisipin mo kaagad: “Paano nila nakuha ito? Malayo ako sa kanila sa loob ng maraming taon, nangungulila sila sa akin, at napakahirap ng buhay nila—kaya ba sila nagkaroon ng ganitong sakit?” Pagkatapos ay agad mong sisisihin ang iyong sarili sa lahat: “Napakahirap ng buhay ng mga magulang ko, at hindi ko sila tinutulungang pagaanin ang kanilang mga pasanin. Nangungulila sila sa akin at nag-aalala tungkol sa akin, at wala ako sa tabi nila. Binigo ko sila, at hinayaan ko lang silang magdusa sa pasakit ng pangungulila sa akin palagi. Gumugol ng napakaraming oras sa pagpapalaki sa akin ang aking mga magulang, at para saan? Ang ginawa ko lang ay pahirapan sila!” Habang mas iniisip mo ito, mas lalo mong paniniwalaan na binigo mo sila, at na may utang ka sa kanila. Pagkatapos ay iisipin mong: “Hindi, hindi tama iyon. Nananampalataya ako sa Diyos, ginagampanan ko ang tungkulin ng isang nilikha, at tinatapos ang atas ng Diyos. Hindi ko binigo ang sinuman.” Subalit maiisip mo: “Napakatanda na ng mga magulang ko, at wala silang anak sa tabi nila para mag-alaga sa kanila. Ano ang silbi ng pagpapalaki nila sa akin kung gayon?” Mag-uurong-sulong ka, hindi mo malalampasan ang bagay na ito kahit gaano mo pa ito pag-isipan. Hindi ka lang iiyak, lubos ka ring mababalot sa masalimuot mong nararamdaman para sa iyong mga magulang. Madali bang bumitiw, sa mga ganitong pagkakataon? Sasabihin mo: “Isinilang at pinalaki ako ng aking mga magulang. Hindi sila umaasang yumaman ako nang husto, at hindi sila kailanman humingi sa akin nang labis-labis. Umasa lang sila na nasa tabi nila ako kapag nagkasakit sila at kailangan nila ako, sasamahan sila, at pagagaanin ang kanilang pagdurusa. Ni hindi ko nagawa iyon!” Iiyak ka mula sa araw na mabalitaan mong may malubhang sakit ang mga magulang mo hanggang sa araw na mamatay sila. Malulungkot ba kayo kung maharap kayo sa ganitong sitwasyon? Iiyak ba kayo? Luluha ba kayo? (Oo.) Sa sandaling iyon, matitinag ba ang iyong determinasyon at hangarin? Gugustuhin mo bang magmadali at walang ingat na bumalik sa tabi ng iyong mga magulang? Iisipin mo ba, sa kaibuturan ng iyong puso, na isa kang walang malasakit na ingrata, at na walang saysay ang pagpapalaki sa iyo ng iyong mga magulang? Patuloy ka bang mahihiyang harapin ang iyong mga magulang? Palagi mo bang maaalala ang kabutihang ipinakita sa iyo ng iyong mga magulang sa pagpapalaki sa iyo, at kung gaano sila kabait sa iyo? (Oo.) Bibitiwan mo ba ang tungkulin mo? Susubukan mo bang gawin ang lahat para makuha ang pinakabagong balita tungkol sa iyong mga magulang mula sa mga kaibigan, o mula sa mga kapatid? Lahat ng tao ay magkakaroon ng ganitong mga pagpapamalas, hindi ba? Kung gayon, madali bang lutasin ang usaping ito? Paano mo dapat unawain ang mga gayong bagay? Paano mo dapat tingnan ang usapin ng karamdaman o ang isang uri ng malaking kasawian na nangyayari sa iyong mga magulang? Kung mauunawaan mo ito nang mabuti, magagawa mo itong bitiwan. Kung hindi, hindi mo ito mabibitiwan. Palagi mong iniisip na ang lahat ng tiniis at dinanas ng iyong mga magulang ay may kaugnayan sa iyo, at na nararapat mo ring dalhin ang mga pasaning iyon; palagi mong sinisisi ang iyong sarili, palaging iniisip na may kinalaman sa iyo ang mga bagay na ito, palaging gustong makisangkot. Tama ba ang ideyang ito? (Hindi.) Bakit? Paano mo dapat tingnan ang mga bagay na ito? Anong mga pagpapamalas ang normal? Anong mga pagpapamalas ang hindi normal, hindi makatwiran, at hindi naaayon sa katotohanan? Pag-usapan muna natin ang mga normal na pagpapamalas. Ang lahat ng tao ay isinilang ng kanilang mga magulang; sila ay sa laman at nagtataglay ng damdamin. Ang damdamin ay parte ng pagkatao, at walang makakaiwas sa mga ito. Ang bawat tao ay may damdamin—kahit ang maliliit na hayop ay mayroon din ng mga ito, lalo na ang mga tao. Ngunit ang damdamin ng ilang tao ay medyo mas malakas, at ang damdamin ng ibang tao ay medyo mahina. Ngunit anuman ang mga sitwasyon, lahat ng tao ay mayroon ng mga ito. Nagmumula man ito sa kanilang damdamin, pagkatao, o katwiran, sinuman ay mababalisa kapag narinig nilang nagkasakit ang kanilang mga magulang, dumanas ng malaking kasawian, o naharap sa pagdurusa. Sinuman ay mababalisa. Napakanormal lang na makaramdam ng pagkabalisa, ito ay isang likas na gawi ng tao, ito ay isang bagay na taglay ng mga tao sa kanilang pagkatao at damdamin. Napakanormal lang na naipapamalas ito sa mga tao. Kapag lubhang nagkasakit o dumanas ng malaking kasawian ang kanilang mga magulang, napakanormal lang para sa mga tao na malungkot, maiyak, makaramdam ng pagpipigil, mag-isip ng mga paraan para malutas ang mga problema, at makipasan sa suliranin ng kanilang mga magulang. Para sa ilang tao, maaapektuhan pa nito ang kanilang mga katawan—hindi sila makakain, makakaramdam sila ng paninikip ng dibdib, at panghihinaan sila ng loob sa buong araw. Ang lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng mga emosyon, at lahat ng ito ay napakanormal lang. Hindi ka dapat punahin ng mga tao para sa mga normal na pagpapamalas na ito; hindi mo dapat subukang iwasan ang mga pagpapamalas na ito, at lalong hindi mo dapat tanggapin ang kritisismo ng sinuman sa mga ito. Kung mayroon kang ganitong mga pagpapamalas, pinatutunayan nito na tunay ang damdamin mo para sa iyong mga magulang, at na isa kang taong nagtataglay ng kamalayan ng konsensiya, isang normal at ordinaryong tao. Walang sinuman ang dapat pumuna sa pagiging emosyonal mo nang ganito, sa pagkakaroon ng mga emosyonal na pangangailangan na ito. Ang lahat ng pagpapamalas na ito ay nasa saklaw ng katwiran at konsensiya. Kaya, anong mga pagpapamalas ang hindi normal? Ang mga hindi normal na pagpapamalas ay iyong mga lagpas sa katwiran. Ang mga ito ay kapag ang mga tao ay nagiging pabigla-bigla sa sandaling mangyari sa kanila ang mga bagay na ito, at gusto nilang talikuran agad ang lahat ng bagay para bumalik sa tabi ng kanilang mga magulang, agad na isinisisi ang lahat sa kanilang sarili, at talikuran ang mga mithiin, adhikain, at determinasyon na minsang taglay nila, at maging ang mga isinumpa sa harap ng Diyos. Ang mga pagpapamalas na ito ay hindi normal, at lagpas ang mga ito sa katwiran, masyado silang pabigla-bigla! Kapag pumili ng landas ang mga tao, hindi ibig sabihin na maaari nilang piliin ang wasto at tamang landas sa biglaang init ng ulo. Ang pagpapasya mo na tahakin ang landas ng paggampan sa isang tungkulin at paggampan sa tungkulin ng isang nilikha ay hindi simpleng bagay, at ito ay isang bagay na walang ibang makakapalit. Talagang hindi ito isang pagpapasya na maaaring gawin sa isang biglaang init ng ulo. Higit pa rito, ito ang tamang landas—hindi mo dapat baguhin ang iyong desisyon na tahakin ang tamang landas sa buhay dahil sa mga kapaligiran, tao, pangyayari, at bagay na nakapaligid sa iyo. Ito ang katwiran na dapat mong taglayin. Ito man ay iyong mga magulang o anumang uri ng malaking pagbabago, hindi ito dapat makaapekto sa pinakamahalagang bagay—ang paggampan mo sa tungkulin ng isang nilikha. Iyon ay isang aspekto nito. Ang isa pang aspekto ay na, pagdating sa kung paano nagkakaroon ng karamdaman ang iyong mga magulang, kapag nagsimula silang magdusa mula rito, at kung anong uri ng mga kahihinatnan ang maaaring idulot nito, mapagpapasyahan mo ba ang mga bagay na ito? Maaaring sabihin mo na: “Siguro nangyari ito dahil hindi ako naging mabuting anak. Kung ginugol ko ang mga nagdaang taon sa pagsisipag na kumita at sa pagtatrabaho, at kung marami akong pera, maaaring napagamot sana nila nang mas maaga ang karamdamang ito, at hindi na sana ito lumala nang husto. Ito ay dahil hindi ako naging mabuting anak.” Tama ba ang kaisipang ito? (Hindi.) Kung ang isang tao ay may pera, nangangahulugan ba talaga ito na makakabili na siya ng mabuting kalusugan at maiiwasan niya ang magkasakit? (Hindi.) Ang mayayaman ba sa mundong ito ay hinding-hindi nagkakasakit? Mula sa sandaling maramdaman ng isang tao na magkakasakit siya, hanggang sa siya ay nagkasakit nga, at hanggang sa mamatay siya sa huli, ang lahat ng ito ay pauna nang itinakda ng Diyos. Paanong mapagpapasyahan ito ng sinumang tao? Paanong maitatakda ito ng pagkakaroon o kawalan ng pera? Paanong maitatakda ito ng kapaligiran ng isang tao? Ang lahat ng ito ay itinatakda ng kataas-taasang kapangyarihan at ng mga pagsasaayos ng Diyos. Samakatuwid, hindi mo kailangang labis na suriin o siyasatin ang usapin ng pagkakaroon ng malubhang sakit ng iyong mga magulang o ang pagdanas nila ng malaking kasawian, at lalong hindi mo ito dapat paglaanan ng lakas—walang silbi na gawin ito. Ang pagkasilang, pagtanda, pagkakasakit, pagkamatay, at pagharap sa iba’t ibang malaki at maliit na bagay sa buhay ng mga tao ay mga napakanormal na pangyayari. Kung nasa hustong gulang ka na, dapat kang magkaroon ng mature na pag-iisip, at dapat mong harapin ang bagay na ito nang mahinahon at tama: “May sakit ang mga magulang ko. Sinasabi ng ilang tao na iyon ay dahil masyado silang nangulila sa akin, possible ba iyon? Totoong nangulila sila sa akin—paanong hindi mangungulila ang isang tao sa sarili niyang anak? Nangulila rin ako sa kanila, kaya bakit hindi ako nagkasakit?” May tao bang nagkakasakit dahil nangungulila siya sa kanyang mga anak? Hindi iyon ganoon. Kung gayon, ano ang nangyayari kapag nahaharap ang iyong mga magulang sa mahahalagang usaping ito? Masasabi lamang na pinangasiwaan ng Diyos ang ganitong uri ng bagay sa kanilang buhay. Ito ay pinangasiwaan ng kamay ng Diyos—hindi ka maaaring tumuon sa mga obhektibong dahilan at mga sanhi—nakatakda talaga na mahaharap ang iyong mga magulang sa bagay na ito kapag umabot na sila sa ganitong edad, nakatakda nang matatamaan sila ng sakit na ito. Naiwasan kaya nila ito kung nandoon ka? Kung hindi isinaayos ng Diyos na magkasakit sila bilang parte ng kanilang kapalaran, walang mangyayari sa kanila, kahit na hindi ka nila nakasama. Kung nakatadhana silang maharap sa ganitong uri ng malaking kasawian sa kanilang buhay, ano ang maaaring naging epekto mo kung nandoon ka sa tabi nila? Hindi pa rin naman nila ito maiiwasan, hindi ba? (Tama.) Isipin mo iyong mga taong hindi nananampalataya sa Diyos—hindi ba’t magkakasama ang kanilang mga pamilya, taon-taon? Kapag nahaharap sa malaking kasawian ang mga magulang na iyon, kasama nila ang lahat ng miyembro ng kanilang pamilya, mga kamag-anak, at ang kanilang mga anak, tama ba? Kapag nagkasakit ang mga magulang, o kapag lumala ang kanilang mga karamdaman, dahil ba ito sa iniwan sila ng kanilang mga anak? Hindi iyon ang kaso, ito ay nakatadhanang mangyari. Kaya lang, bilang anak nila, dahil may ugnayan kayo ng iyong mga magulang bilang magkadugo, mababalisa ka kapag nabalitaan mong may sakit sila, samantalang ang ibang tao ay walang anumang mararamdaman. Normal na normal lang ito. Gayunpaman, ang pagdanas ng iyong mga magulang ng ganitong uri ng malaking kasawian ay hindi nangangahulugan na kailangan mong magsuri o magsiyasat, o pag-isipan kung paano ito alisin o lutasin. Ang mga magulang mo ay nasa hustong gulang na; ilang beses na nilang naranasan ang ganito sa lipunan. Kung nagsasaayos ang Diyos ng isang kapaligiran upang alisin sa kanila ang bagay na ito, kung gayon, sa malao’t madali, ito ay ganap na maglalaho. Kung ang bagay na ito ay isang pagsubok sa buhay para sa kanila, at dapat nilang maranasan ito, kung gayon, ang Diyos na ang bahala kung hanggang kailan nila ito dapat maranasan. Isa itong bagay na dapat nilang maranasan, at hindi nila ito maiiwasan. Kung nais mong mag-isang lutasin ang bagay na ito, suriin at siyasatin ang pinagmulan, mga sanhi, at mga kahihinatnan ng bagay na ito, iyan ay isang kahangalan. Wala itong silbi, at ito ay kalabisan lang. Hindi ka dapat kumilos nang ganito, nagsusuri, nagsisiyasat, at nakikipag-ugnayan sa iyong mga kaklase at kaibigan para makahingi ng tulong, nakikipag-ugnayan sa ospital para sa iyong mga magulang, nakikipag-ugnayan sa pinakamagagaling na doktor, ipinahahanda ang pinakamagandang silid sa ospital para sa kanila—hindi mo kailangang pigain ang utak mo sa paggawa ng lahat ng bagay na ito. Kung talagang mayroon kang natitirang lakas, dapat mong galingan ang tungkuling dapat ay ginagampanan mo ngayon. May sariling kapalaran ang iyong mga magulang. Walang sinuman ang makakatakas sa edad kung kailan sila dapat mamatay. Hindi ang mga magulang mo ang mga tagapamahala ng iyong kapalaran, at gayundin, hindi ikaw ang tagapamahala ng kapalaran ng iyong mga magulang. Kung may nakatadhanang mangyari sa kanila, ano ang magagawa mo tungkol dito? Ano ang epektong matatamo ng iyong pagiging balisa at paghahanap ng mga solusyon? Wala itong anumang matatamo; ito ay nakasalalay sa mga intensiyon ng Diyos. Kung nais ng Diyos na kunin sila, at bigyan ka ng kakayahang magampanan ang iyong tungkulin nang hindi naaabala, maaari mo bang panghimasukan ito? Maaari mo bang talakayin ang iyong mga kondisyon sa Diyos? Ano ang dapat mong gawin sa panahong ito? Ang pigain ang utak mo sa pag-iisip ng mga solusyon, pagsisiyasat, pagsusuri, paninisi sa iyong sarili, at pagkahiyang harapin ang iyong mga magulang—ito ba ang mga kaisipan at kilos na dapat taglayin ng isang tao? Ang lahat ng ito ay pagpapamalas ng kawalan ng pagpapasakop sa Diyos at sa katotohanan; ang mga ito ay hindi makatwiran, hindi matalino, at mapanghimagsik sa Diyos. Hindi dapat magkaroon ng ganitong mga pagpapamalas ang mga tao. Nauunawaan mo ba? (Oo.)
Sinasabi ng ilang tao: “Alam kong hindi ko dapat suriin o siyasatin ang usapin ng pagkakasakit ng aking mga magulang o ang pagdanas nila ng malaking kasawian, na walang saysay na gawin iyon, at na dapat kong harapin ito batay sa mga katotohanang prinsipyo, pero hindi ko mapigilan ang aking sarili na suriin at siyasatin ito.” Kung gayon, lutasin natin ang problema ng pagpigil, upang hindi mo na kailangang pigilan ang iyong sarili. Paano ito makakamit? Sa buhay na ito, ang mga taong may malusog na pangangatawan ay nagsisimulang makaranas ng mga sintomas ng katandaan kapag umabot na sila sa 50 o 60 taong gulang—ang kanilang mga kalamnan at buto ay nagiging mahina, nawawalan sila ng lakas, hindi sila makatulog o makakain nang maayos, at wala silang sapat na lakas para magtrabaho, magbasa, o gumawa ng anumang uri ng trabaho. Naglalabasan ang iba’t ibang uri ng sakit sa loob ng kanilang katawan, tulad ng altapresyon, diabetes, sakit sa puso, cardiovascular disease, cerebrovascular disease, at iba pa. Para sa mga medyo mas malusog, bagamat mayroon sila ng mga sintomas na ito ng katandaan, nagagawa nila ang anumang kailangan nilang gawin, at hindi nakakaapekto ang mga sintomas na ito sa kanilang normal na pamumuhay at pagtatrabaho. Maigi kung ganito. Para sa mga hindi gaanong malusog, ang mga sintomas na ito ay nakakaapekto sa kanilang normal na pagtatrabaho at pamumuhay, at kung minsan ay kailangan nilang pumunta sa ospital para magpatingin sa doktor. Ang ilan sa mga taong ito ay nagkakaroon ng sipon o pananakit ng ulo; ang iba ay nagkakaroon ng enteritis o pagtatae, at kailangan nilang magpahinga sa kama nang dalawang araw sa tuwing nagtatae sila. Ang ilang tao ay may altapresyon, at sa sobrang pagkahilo nila ay hindi na sila makalakad, makasakay ng kotse, o makalayo sa kanilang tahanan. May ilan din na may urinary incontinence, hindi komportable sa kanila ang lumabas, kaya bihira silang lumabas at bumiyahe kasama ang kanilang mga kamag-anak at kaibigan. May iba naman na palaging may allergy kapag kumakain. May ilang tao na hindi makatulog nang maayos, at hindi makatulog sa maiingay na lugar; sa sandaling lumipat sila sa ibang lugar, lalong nagiging mas mahirap para sa kanila na makatulog. Ang lahat ng bagay na ito ay may matinding epekto sa buhay at sa trabaho ng mga taong ito. May ilang tao pa nga na hindi kayang magtrabaho nang tuloy-tuloy nang higit sa tatlo hanggang apat na oras. At mayroon pa ngang mas malalalang kaso, kung saan ang mga tao ay nagkakasakit nang malubha sa edad na 50 o 60, halimbawa, may kanser, diabetes, rheumatic heart disease, dementia, o Parkinson’s disease, at iba pa. Kung ang mga sakit na ito ay sanhi man ng mga bagay na kinakain nila, o ng maruming kapaligiran, hangin, o tubig, ang batas ng laman ng tao ay na, kapag nasa edad 45 na ang mga babae at kapag nasa edad 50 na ang mga lalaki, ang kanilang mga katawan ay unti-unti nang humihina. Araw-araw, sinasabi nila na ang parteng ito ng katawan nila ay hindi komportable at ang parteng iyon ay masakit, pumupunta sila sa doktor para ipasuri ito, at ito ay terminal cancer pala. Sa huli, sinasabi ng doktor: “Umuwi ka na, hindi ito magagamot.” Lahat ng tao ay mararanasan ang mga sakit na ito sa laman. Ngayon ay sila, bukas ay kayo at kami. Ayon sa edad at sa sunud-sunod na pagkakaayos, ang lahat ng tao ay isisilang, tatanda, magkakasakit, at mamamatay—mula sa kabataan ay tumatanda sila, mula sa katandaan ay nagkakasakit sila, at mula sa pagkakasakit ay namamatay sila—ito ang batas. Kaya lang, kapag nababalitaan mong nagkakasakit ang iyong mga magulang, sapagkat sila ang mga taong pinakamalapit sa iyo, ang mga taong inaalala mo nang higit sa lahat, at siyang nagpalaki sa iyo, hindi mo malalagpasan ang hadlang na ito ng iyong mga damdamin, at iisipin mong: “Wala akong nararamdaman kapag namatay ang mga magulang ng ibang tao, pero hindi maaaring magkasakit ang mga magulang ko, dahil ikalulungkot ko iyon. Hindi ko ito makakaya, kumikirot ang puso ko, hindi ko maiwaksi ang nararamdaman ko!” Dahil lang sa mga magulang mo sila, iniisip mo na hindi sila dapat tumanda, magkasakit, at na lalong hindi sila dapat mamatay—makatwiran ba iyon? Hindi ito makatwiran, at hindi ito katotohanan. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ang bawat tao ay mahaharap sa pagtanda at pagkakasakit ng kanilang mga magulang, at sa ibang malubhang lagay, ang mga magulang ng mga tao ay paralisado pa nga sa kama, at ang ilan ay nakaratay na parang lantang gulay. Ang mga magulang ng ilang tao ay may altapresyon, pagkaparalisa sa isang bahagi ng katawan, stroke, o nagkakaroon pa nga ng malubhang karamdaman at namamatay. Ang bawat tao ay personal na makakasaksi, makakakita, o makakabalita tungkol sa proseso ng pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay ng kanilang mga magulang. Sadyang may mga taong nababalitaan ito nang mas maaga, kapag ang kanilang mga magulang ay nasa edad 50; ang ilang tao naman ay nababalitaan ito kapag ang kanilang mga magulang ay nasa edad 60; at ang iba ay nababalitaan lamang ito kapag ang kanilang mga magulang ay 80, 90, o 100 taong gulang na. Ngunit, kailan mo man ito mabalitaan, bilang isang anak, isang araw, sa malao’t madali, tatanggapin mo ang katunayang ito. Kung nasa hustong gulang ka na, dapat mayroon kang mature na pag-iisip, at ng tamang saloobin sa pagkasilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay ng mga tao, at hindi maging pabigla-bigla; hindi tamang hindi mo kakayanin kapag nabalitaan mong may sakit ang iyong mga magulang, o na nakatanggap sila ng paunawa mula sa ospital na may malubha silang sakit. Ang pagkasilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay ay mga bagay na dapat tanggapin ng bawat tao, sa anong batayan mo ito hindi kayang tiisin? Ito ang batas na inorden ng Diyos para sa pagsilang at kamatayan ng tao, bakit mo gustong labagin ito? Bakit hindi mo ito tanggapin? Ano ang intensiyon mo? Ayaw mong mamatay ang iyong mga magulang, ayaw mong mamuhay sila ayon sa batas ng pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay na itinatag ng Diyos, gusto mong pigilan silang magkasakit at mamatay—ano ang idudulot nito sa kanila? Hindi ba’t ginagawa sila nitong plastik na tao? Magiging tao pa rin ba sila kung gayon? Samakatuwid, dapat mong tanggapin ang katunayang ito. Bago mo mabalitaang tumatanda na ang iyong mga magulang, na nagkasakit sila, at namatay, dapat mong ihanda ang iyong sarili para dito sa puso mo. Isang araw, sa malao’t madali, ang bawat tao ay tatanda, sila ay manghihina, at sila ay mamamatay. Dahil normal na tao ang iyong mga magulang, bakit hindi pwedeng maranasan nila ang pagsubok na ito? Dapat nilang maranasan ang pagsubok na ito, at dapat mong harapin ito nang tama. Nalutas na ba ang usaping ito? Magagawa mo na ba ngayon na harapin ang mga ganitong bagay nang makatwiran? (Oo.) Kung gayon, kapag nagkaroon ng malubhang sakit ang iyong mga magulang o sumapit sa kanila ang malaking kasawian, paano mo ito haharapin? Mali rin na balewalain ito, at sasabihin ng mga tao: “Ikaw ba ay isang palaka o isang ahas? Bakit masyado kang malamig sa mga magulang mo?” Isa kang normal na tao, kaya dapat mayroon kang reaksiyon. Dapat kang magnilay-nilay: “Naging mahirap ang buhay ng mga magulang ko, at nagkasakit na sila nang ganito sa murang edad. Hindi nila natamasa ang anumang pagpapala, at hindi sila naging masigasig sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Ganoon ang naging buhay nila. Wala silang naunawaan, hindi nila tinahak ang tamang landas o hinangad ang katotohanan. Pinapalipas lang nila ang kanilang mga araw. Wala silang ipinagkaiba sa mga hayop—wala silang ipinagkaiba sa matatandang baka o kabayo. Ngayong malubha silang nagkasakit, kakailanganin na lamang nilang alagaan ang kanilang sarili, ngunit umaasa ako na sana ay mabawasan ng Diyos ang kanilang pagdurusa.” Ipanalangin mo sila sa puso mo, at sapat na iyon. Ano pa ba ang magagawa ng sinuman? Kung hindi mo kasama ang iyong mga magulang, wala kang magagawa; kahit na nasa tabi ka nila, ano ba ang magagawa mo? Ilang tao na ba ang personal na nakakita sa kanilang mga magulang na dumadaan sa pagkabata hanggang sa pagtanda, mula sa pagtanda hanggang sa pagkakaroon ng iba’t ibang sakit, mula sa pagkakaroon ng iba’t ibang sakit na ito hanggang sa pagkabigong magamot sila, hanggang sa sila ay ideklarang patay na, at hanggang sa pagdadala ng kanilang katawan sa morge? Hindi maliit ang bilang nila. Ang lahat ng anak na ito ay nananatili sa tabi ng kanilang mga magulang, ngunit ano ang magagawa nila? Wala silang magagawa; maaari lamang silang manood. Makakaiwas ka sa abala kung hindi mo na panonoorin ang prosesong ito; mas mabuting huwag mo na itong panoorin, hindi makabubuti para sa iyo ang panoorin na mangyari ito. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo nga.) Pagdating sa usaping ito, sa isang aspekto ay dapat mong malinaw na makita na ang katunayan na ang pagkasilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay ng mga tao ay isang batas na itinatag ng Diyos; sa isa pang aspekto, dapat malinaw mong makita ang mga responsabilidad na dapat gampanan ng mga tao at ang kanilang kapalaran, hindi ka dapat maging di-makatwiran, at hindi ka dapat gumawa ng mga bagay na pabigla-bigla o kahangalan. Bakit hindi ka dapat gumawa ng mga bagay na pabigla-bigla o kahangalan? Dahil kahit na gawin mo ang mga ito, wala itong silbi, sa halip ay ibubunyag nito ang iyong kahangalan. Ang mas malubha pa, habang gumagawa ka ng mga kahangalan, naghihimagsik ka laban sa Diyos, at ayaw ng Diyos ng ganito, kinasusuklaman Niya ito. Malinaw na sa iyo at nauunawaan mo ang lahat ng katotohanang ito pagdating sa doktrina, ngunit kumakapit ka pa rin sa sarili mong landas, at ginagawa mo ang ilang bagay nang sutil at napipilitan, kaya ayaw sa iyo ng Diyos, kinamumuhian ka Niya. Ano ang kinamumuhian Niya tungkol sa iyo? Kinamumuhian Niya ang iyong matigas na kahangalan at ang iyong pagiging mapaghimagsik. Iniisip mo na mayroon kang damdamin ng tao, ngunit sinasabi ng Diyos na mapagmatigas at hangal ka—ikaw ay matigas ang ulo, mangmang, hangal, at mapagmatigas, at hindi ka tumatanggap sa katotohanan o nagpapasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Malinaw na sinabi sa iyo ng Diyos ang diwa, pinagmulan, at mga partikular na prinsipyo ng pagsasagawa na nakapaloob sa usaping ito, ngunit gusto mo pa ring gamitin ang iyong mga damdamin para pangasiwaan ang lahat ng ito, kaya ayaw ng Diyos sa iyo. Sa huli, kung hindi aalisin ng Diyos ang karamdaman ng iyong mga magulang, sila ay magkakasakit nang malubha at mamamatay, kung iyon ang dapat na mangyari sa kanila. Walang taong makakapagpabago sa katunayang ito. Kung nais mong baguhin ito, pinatutunayan lamang nito na gusto mong gamitin ang sarili mong mga kamay at pamamaraan para baguhin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ito ang pinakamatinding paghihimagsik, at sinasalungat mo ang Diyos. Kung ayaw mong salungatin ang Diyos, kapag nabalitaan mong nangyari ang mga bagay na ito sa iyong mga magulang, dapat kang maging mahinahon, at humanap ka ng lugar kung saan maaari kang mapag-isa para umiyak, mag-isip, at magdasal, o ipahayag sa mga kapatid sa paligid mo ang iyong nararamdamang pangungulila. Iyon lang ang kailangan mong gawin. Hindi mo dapat maisipang baguhin ang isang bagay, at lalong hindi ka dapat gumawa ng mga kahangalan. Huwag magdasal sa Diyos, humihiling sa Kanya na alisin ang karamdaman ng iyong mga magulang, at tulutan silang mabuhay pa nang ilang taon, o bawasan ng dalawang taon ang iyong sariling buhay at ibigay ito sa kanila, dahil lamang sa nananampalataya ka sa Diyos, o sa batayan na tinalikuran mo ang iyong pamilya at ang iyong propesyon para magampanan ang iyong tungkulin sa loob ng napakaraming taon. Huwag gawin ang mga ganitong bagay. Hindi pakikinggan ng Diyos ang mga ganitong uri ng panalangin, at kinamumuhian Niya ang mga ganitong uri ng kaisipan at panalangin. Huwag pasamain ang loob ng Diyos o galitin Siya. Pinakatutol ang Diyos sa mga taong nagnanais na manipulahin ang kapalaran ng isang tao, na baguhin ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng isang tao, o na baguhin ang ilang katunayan na matagal nang itinatag ng Diyos o ang mga takbo ng kapalaran ng mga tao. Ito ang pinakakinamumuhian ng Diyos.
Tapos na Akong magbahagi tungkol sa saloobin, mga kaisipan, at pagkaunawa na dapat taglayin ng mga tao tungkol sa usapin ng pagkakasakit ng kanilang mga magulang. Gayundin, pagdating sa pagpanaw ng kanilang mga magulang, ang mga tao ay dapat ding magtaglay ng wasto at makatwirang saloobin. Ang ilang tao ay nalayo sa kanilang mga magulang sa loob ng maraming taon, wala sila sa tabi ng kanilang mga magulang o hindi sila nakatira kasama ang mga ito, at kapag nabalitaan nilang biglang pumanaw ang kanilang mga magulang, nagiging isang malaking dagok ito sa kanila, at pakiramdam nila ay lahat ng ito ay sobrang biglaan. Dahil ang mga taong ito ay hindi nakasama ang kanilang mga magulang o nakatira kasama nila sa loob ng napakaraming taon, palagi silang nagkikimkim ng maling akala sa kanilang mga kaisipan at ng mga kuru-kuro. Anong uri ng maling akala? Noong iniwan mo ang iyong mga magulang, buhay sila at malusog. Pagkatapos mong malayo sa kanila sa loob ng napakaraming taon, sa isipan mo, hindi nagbabago ang edad ng mga magulang mo, at hindi nagbabago ang kondisyon ng kanilang katawan at pamumuhay, gaya pa rin ang mga ito ng iyong naaalala. Nakakagulo ito. Pagkatapos ay naniniwala ka na hinding-hindi tatanda ang iyong mga magulang at na mabubuhay sila para magdiwang ng napakaraming kaarawan. Ibig sabihin, sa sandaling naukit na ang kanilang mga mukha sa iyong puso, sa sandaling ang kanilang buhay, kanilang mga salita, at kanilang pag-uugali ay nag-iiwan ng impresyon at tatak sa iyong isipan at alaala, iisipin mo na magiging ganoon magpakailanman ang iyong mga magulang, na hindi sila magbabago, tatanda, at lalong hindi mamamatay. Ano ang tinutukoy rito ng “hindi mamamatay”? Sa isang aspekto, nangangahulugan ito na ang kanilang pisikal na katawan ay hindi maglalaho. Sa isa pang aspekto, nangangahulugan ito na ang kanilang mga mukha, ang kanilang damdamin para sa iyo, at iba pa, ay hindi maglalaho. Isa itong maling akala, at magdudulot ito sa iyo ng malaking problema. Samakatuwid, anuman ang edad ng iyong mga magulang, mamamatay man sila sa katandaan, o dahil sa isang karamdaman, o dahil may nangyaring ilang insidente, magiging isang dagok ito sa iyo, at mararamdaman mong sobrang biglaan ito. Dahil, sa isip mo, buhay at malusog pa rin ang mga magulang mo, at pagkatapos ay bigla silang nawala, iisipin mong: “Paanong nawala sila? Paanong nagiging alikabok na lang ang mga buhay na tao? Sa puso ko, palagi kong nararamdaman na buhay pa ang aking mga magulang, na nagluluto pa rin sa kusina ang nanay ko, nagpapakaabala siya, samantalang ang tatay ko ay nagtatrabaho sa labas araw-araw, umuuwi lamang sa gabi.” Ang mga eksenang ito mula sa kanilang buhay ay nag-iwan ng ilang impresyon sa isipan mo. Kaya, dahil sa iyong nararamdaman, nagkikimkim ang iyong kamalayan ng isang bagay na hindi dapat, na naniniwala ka sa puso mo na mabubuhay ang iyong mga magulang magpakailanman. Dahil dito, naniniwala kang hindi sila dapat mamatay, at anuman ang maging sitwasyon ng pagpanaw ng iyong mga magulang, mararamdaman mong isa itong malaking dagok sa iyo, at hindi mo ito makakayang tanggapin. Kakailanganin mo ng oras para malampasan mo ang katunayang ito, hindi ba? Ang pagkakasakit ng iyong mga magulang ay isang malaking dagok na para sa iyo, kaya’t ang pagpanaw ng iyong mga magulang ay magiging mas higit na malaking dagok. Kung gayon, bago pa ito mangyari, paano mo dapat lutasin ang hindi inaasahang dagok na idinudulot nito sa iyo, upang hindi ito makaapekto o makasagabal sa paggampan mo sa iyong tungkulin o sa landas na iyong tinatahak? Una, tingnan natin kung tungkol saan nga ba ang kamatayan, at kung tungkol saan ang pagpanaw—hindi ba’t ibig sabihin nito ay lilisan na ang isang tao sa mundong ito? (Oo.) Nangangahulugan ito na ang buhay na taglay ng isang tao, na mayroong pisikal na presensiya, ay hiwalay sa materyal na mundo na nakikita ng mga tao, at naglalaho ito. Ang taong iyon ay nagpapatuloy na mabuhay sa ibang mundo, nang may ibang anyo. Ang paglisan ng buhay ng iyong mga magulang ay nangangahulugan na ang relasyon mo sa kanila sa mundong ito ay natunaw, naglaho, at nagwakas na. Nabubuhay na sila sa ibang mundo, nang may ibang anyo. Kung ano ang magiging takbo ng kanilang buhay sa kabilang mundo, kung babalik man sila sa mundong ito, muli kang makakatagpo, o magkakaroon ng anumang uri ng ugnayan sa laman o emosyonal na koneksiyon sa iyo, ito ay inorden ng Diyos, at wala itong kinalaman sa iyo. Sa kabuuan, ang pagpanaw nila ay nangangahulugan na ang kanilang mga misyon sa mundong ito ay tapos na, at ganap na itong nagwakas. Ang kanilang mga misyon sa buhay na ito at sa mundong ito ay natapos na, kaya ang relasyon mo sa kanila ay natapos na rin. Tungkol sa kung sila ay muling magkakatawang-tao sa hinaharap, o kung makakatagpo sila ng anumang uri ng parusa at paghihigpit, o anumang uri ng pangangasiwa at mga pagsasaayos sa kabilang mundo, may kinalaman ba ito sa iyo? Mapagpapasyahan mo ba ito? Wala itong kinalaman sa iyo, hindi mo ito mapagpapasyahan, at hindi ka makakakuha ng anumang balita tungkol dito. Ang relasyon mo sa kanila sa buhay na ito ay magwawakas sa oras na iyon. Ibig sabihin, magtatapos na ang kapalarang nagbuklod sa inyo habang namumuhay kayong magkasama sa loob ng 10, 20, 30, o 40 taon. Pagkatapos niyon, sila ay sila, ikaw ay ikaw, at wala nang anumang relasyong umiiral sa pagitan ninyo. Kahit nananampalataya kayong lahat sa Diyos, ginampanan nila ang kanilang sariling mga tungkulin, at ginagampanan mo ang sa iyo; kapag hindi na sila namumuhay sa parehong pisikal na kapaligiran, wala nang anumang relasyon sa pagitan ninyo. Natapos na nila ang mga misyon na ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos. Kaya, pagdating sa mga responsabilidad na tinupad nila para sa iyo, natatapos ang mga iyon sa araw na magsisimula kang mamuhay nang hiwalay sa kanila—wala ka nang kinalaman sa iyong mga magulang. Kung mamamatay sila ngayon, may mawawala lamang sa iyo sa emosyonal na aspekto, at hindi ka na mangungulila sa dalawang mahal mo sa buhay. Hinding-hindi mo na sila makikita pang muli, at hindi ka na muling makaririnig ng anumang balita tungkol sa kanila. Kung ano ang mangyayari sa kanila pagkatapos at ang kanilang kinabukasan ay wala nang kinalaman sa iyo, wala na kayong magiging ugnayan sa dugo, hindi na kayo magiging parehong nilalang. Ganoon ang mangyayari. Ang pagpanaw ng iyong mga magulang ay ang magiging huling balitang maririnig mo tungkol sa kanila sa mundong ito, at ang mga huling pagsubok na makikita o maririnig mo tungkol sa kanilang mga karanasan ng pagkasilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay sa buhay nila, iyon na ang lahat. Ang pagkamatay nila ay walang kukunin o ibibigay na anuman sa iyo, sila ay simpleng mamamatay, ang kanilang mga paglalakbay bilang tao ay matatapos na. Kaya, pagdating sa kanilang pagpanaw, hindi mahalaga kung ito ay aksidenteng pagkamatay, normal na pagkamatay, pagkamatay dahil sa sakit, at iba pa, sa ano’t anuman, kung hindi dahil sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, walang tao o puwersa ang maaaring bumawi sa buhay nila. Ang kanilang pagpanaw ay nangangahulugan lamang ng katapusan ng kanilang pisikal na buhay. Kung nangungulila at nananabik ka sa kanila, o nahihiya ka sa iyong sarili dahil sa iyong mga damdamin, hindi mo dapat maramdaman ang alinman sa mga bagay na ito, at hindi kinakailangang maramdaman mo ang mga ito. Nilisan na nila ang mundong ito, kaya ang mangulila sa kanila ay hindi na kinakailangan, hindi ba? Kung iniisip mo na: “Nangulila ba sa akin ang mga magulang ko sa lahat ng taong iyon? Gaano pa ba sila nagdusa dahil wala ako sa kanilang tabi para magpakita ng pagiging mabuting anak sa kanila sa loob ng napakaraming taon? Sa lahat ng taong ito, palagi kong ninanais na sana ay makasama ko sila nang ilang araw, hindi ko akalain na napakaaga nilang mamamatay. Nalulungkot at nakokonsensiya ako.” Hindi mo kinakailangang mag-isip nang ganito, walang kinalaman sa iyo ang kanilang pagkamatay. Bakit walang kinalaman sa iyo ang mga ito? Dahil, kahit na ipinakita mo sa kanila ang pagiging mabuting anak o sinamahan mo sila, hindi ito ang obligasyon o gampanin na ibinigay sa iyo ng Diyos. Inorden na ng Diyos kung gaano kaganda ang kapalaran at kung gaano karami ang pagdurusa na mararanasan ng iyong mga magulang mula sa iyo—wala itong anumang kinalaman sa iyo. Hindi sila mabubuhay nang mas matagal dahil lang sa kasama mo sila, at hindi sila mabubuhay nang mas maikli dahil lang sa malayo ka sa kanila at hindi mo sila madalas na nakakasama. Inorden na ng Diyos kung gaano katagal sila mabubuhay, at wala itong kinalaman sa iyo. Kaya, kung mabalitaan mo na pumanaw na ang iyong mga magulang habang ikaw ay buhay pa, hindi mo kailangang makonsensiya. Dapat mong harapin ang bagay na ito sa tamang paraan at tanggapin ito. Kung marami ka nang nailuha habang may malubha silang karamdaman, dapat kang matuwa at maging malaya kapag pumanaw na sila; pagkatapos mong mamaalam sa kanila, hindi na kailangang umiyak pa. Natupad mo na ang iyong mga responsabilidad bilang anak nila, naipanalangin mo na sila, nalungkot ka na para sa kanila, at hindi na mabilang ang nailuha mo para sa kanila, at, siyempre, marami ka nang naisip na solusyon para gamutin ang kanilang sakit, at nagawa mo na ang iyong makakaya para mabawasan ang kanilang pagdurusa. Nagawa mo na ang lahat ng makakaya mo bilang anak nila. Kapag pumanaw na sila, ang masasabi mo lang: “Naging mahirap ang buhay ninyo. Bilang anak ninyo, sana ay mamahinga kayo nang mapayapa. Kung marami kayong nagawang pagkakasala sa Diyos sa buhay na ito, kung gayon ay maparurusahan kayo sa kabilang mundo. Kung, pagkatapos ninyong maparusahan, bibigyan kayo ng Diyos ng pagkakataong muling magkatawang-tao sa mundong ito, sana ay gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya para umasal nang mabuti, at tumahak sa tamang landas. Huwag na kayong gumawa ng anumang bagay na magkakasala sa Diyos, at magsikap na huwag nang makatanggap ng anumang kaparusahan sa susunod ninyong buhay.” Iyon lang. Hindi ba’t malinaw ang pagkakasabi rito? Ito lang ang magagawa mo; ito man ay para sa iyong mga magulang o para sa isa pang mahal mo sa buhay, ito lang ang magagawa mo. Siyempre, kapag namatay na ang iyong mga magulang, kung hindi mo sila makakapiling o mabibigyan ng panghuling kaginhawahan, hindi mo kailangang maging malungkot. Ito ay dahil ang bawat tao, sa totoo lang, ay lumilisan sa mundong ito nang mag-isa. Kahit na kasama nila ang kanilang mga anak, kapag may dumating na sugo para kunin sila, sila lang ang makakakita nito. Sa paglisan nila, walang taong makakasama sa kanila, hindi sila masasamahan ng kanilang mga anak, at hindi rin sila masasamahan ng kanilang asawa. Kapag nililisan ng mga tao ang mundong ito, palagi silang nag-iisa. Sa kanilang mga huling sandali, kailangang harapin ng bawat tao ang sitwasyong ito, ang prosesong ito, at ang kapaligirang ito. Samakatuwid, kung ikaw ay nasa tabi nila, at nakatingin sila nang diretso sa iyo, wala pa rin itong silbi. Kapag kailangan na nilang lumisan, kung gusto nilang tawagin ang pangalan mo, hindi nila magagawa, at hindi mo ito maririnig; kung gusto ka nilang abutin at hawakan, wala na silang lakas, at hindi mo ito mararamdaman. Sila ay mag-isa na. Ito ay dahil ang bawat tao ay pumapasok sa mundong ito nang mag-isa, at sa huli, dapat din nilang lisanin ito nang mag-isa. Ito ay inorden ng Diyos. Ang pag-iral ng gayong mga bagay ay nagbibigay-daan sa mga tao na makita nang mas malinaw na ang kanilang buhay at kapalaran, at ang pagkasilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay, ay lahat nasa mga kamay ng Diyos, at na ang buhay ng bawat tao ay nagsasarili. Bagamat ang lahat ng tao ay may mga magulang, kapatid, at mga mahal sa buhay, mula sa perspektiba ng Diyos, at sa perspektiba ng buhay, ang buhay ng bawat tao ay nagsasarili, ang mga buhay ay hindi pinagsasama-sama, at walang buhay ang may kapareha. Mula sa perspektiba ng mga nilikhang tao, ang bawat buhay ay nagsasarili, ngunit sa perspektiba ng Diyos, walang buhay na Kanyang nilikha ang nag-iisa, dahil sinasamahan ng Diyos ang bawat isa sa mga ito at hinihila ang mga ito pasulong. Kaya lang ay kapag nandito ka sa mundo, ipinanganak ka ng iyong mga magulang, at iniisip mo na ang mga magulang mo ang mga taong pinakamalapit sa iyo, ngunit sa katunayan, kapag nilisan ng iyong mga magulang ang mundong ito, mapagtatanto mo na hindi sila ang mga taong pinakamalapit sa iyo. Kapag nagwakas na ang kanilang buhay, patuloy kang mabubuhay, hindi wawakasan ng katapusan ng kanilang buhay ang sarili mong buhay, at lalong hindi ito makakaapekto sa buhay mo. Ilang taon ka nang malayo sa kanila, at nagpapatuloy pa rin ang iyong magandang buhay. Bakit ganoon? Dahil binabantayan at ginagabayan ka ng Diyos; nabubuhay ka sa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Kapag lumisan na ang iyong mga magulang sa mundong ito, nagiging mas malinaw sa iyo na sa paglipas ng mga taon na ito, lumalaki ka tungo sa hustong gulang, katanghaliang gulang, at katandaan nang walang magulang na sumasama sa iyo, nag-aalaga sa iyo, nagbabantay sa iyo, o nagpapalaki sa iyo, at sa ilalim ng patnubay ng Diyos, mas lalo kang maraming nauunawaan sa buhay mo, at mas lalong nagiging malinaw ang iyong pasulong na direksiyon at landas. Samakatuwid, kayang iwanan ng mga tao ang kanilang mga magulang. Ang pag-iral ng kanilang mga magulang ay kinakailangan lamang sa kanilang pagkabata, ngunit pagkatapos nilang lumaki, ang pag-iral ng kanilang mga magulang ay isang pormalidad na lamang. Ang kanilang mga magulang ay mga emosyonal na panustos at suporta na lamang, at hindi na sila kinakailangan. Siyempre, kapag nilisan na ng iyong mga magulang ang mundong ito, magiging mas malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, at mas lalo mong mararamdaman na ang buhay ng mga tao ay nagmumula sa Diyos, at na hindi mabubuhay ang mga tao nang hindi sumasandal sa Diyos, nang wala ang Diyos bilang kanilang mental at espirituwal na panustos, at bilang panustos ng kanilang buhay. Kapag iniwan ka na ng iyong mga magulang, mangungulila ka lang sa kanila sa emosyonal na aspekto, pero kasabay nito, makakalaya ka sa emosyonal o iba pang aspekto. Bakit ka makakalaya? Noong nabubuhay pa ang iyong mga magulang, parehong mga alalahanin at pasanin sila para sa iyo. Sila ang mga taong maaari kang maging sutil, at pinaparamdam nila sa iyo na parang hindi ka makakawala sa iyong mga damdamin. Kapag pumanaw na ang iyong mga magulang, ang lahat ng ito ay malulutas. Mawawala na ang mga taong pakiramdam mo ay pinakamalapit sa iyo, at hindi mo na sila kailangang alalahanin, o mangulila sa kanila. Kapag nakawala ka na sa relasyong ito kung saan umaasa ka sa iyong mga magulang, kapag lumisan na sila sa mundong ito, kapag lubusan mo nang nararamdaman sa kaibuturan ng puso mo na wala na ang iyong mga magulang, at nararamdaman mo na nalampasan mo na ang iyong ugnayan sa iyong mga magulang sa dugo, tunay ka nang magiging mature at nakapagsasarili. Pag-isipan ito: Kahit gaano pa katanda ang mga tao, kung nariyan pa rin ang mga magulang nila, sa tuwing may problema sila, iisipin nilang: “Tatanungin ko si nanay, tatanungin ko si tatay.” Palaging may emosyonal na panustos para sa kanila. Kapag ang mga tao ay may emosyonal na panustos, nararamdaman nila na ang pag-iral nila sa mundong ito ay umaapaw sa pagmamahal at kaligayahan. Kapag nawala ang pakiramdam ng kaligayahan at pagmamahal na iyon, kung hindi mo mararamdamang mag-isa ka, o na nawalan ka ng kaligayahan at pagmamahal, kung gayon, ikaw ay mature na, at tunay ka nang nakapagsasarili pagdating sa iyong mga kaisipan at damdamin. Karamihan sa inyo ay malamang na hindi pa nakakaranas ng mga ganitong bagay. Kapag naranasan mo na ang mga ito, maiintindihan mo na. Pag-isipan ito: Gaano man katanda ang mga tao, sila man ay 40, 50, o 60 taong gulang, kapag pumanaw na ang kanilang mga magulang, agad silang nagiging mas mature. Para silang biglang nagiging isang matinong tao na nasa hustong gulang mula sa pagiging isang batang walang kaalam-alam. Sa loob lamang ng magdamag, nagawa nilang maunawaan ang mga bagay-bagay, at nakapagsasarili na sila. Samakatuwid, para sa bawat tao, ang pagkamatay ng kanilang mga magulang ay isang malaking pagsubok. Kung mapangangasiwaan at mahaharap mo nang tama ang iyong relasyon sa iyong mga magulang, at kasabay nito ay mahaharap, mapangangasiwaan, at mabibitiwan mo rin nang tama ang iba’t ibang ekspektasyon sa iyo ng iyong mga magulang, o ang mga responsabilidad na dapat mong gampanan para sa iyong mga magulang sa emosyonal at etikal na aspekto, kung gayon, tunay ka nang nagmature, at kahit papaano, ikaw ay isa nang taong nasa hustong gulang sa harap ng Diyos. Ang maging isang taong nasa hustong gulang na tulad nito ay hindi madali, kailangan mong magdusa ng kaunting pasakit pagdating sa iyong pisikal na damdamin, lalo na, kailangan mong magtiis ng kaunting emosyonal na paghihinagpis at pagdurusa, pati na rin ng pasakit ng hindi maayos na takbo ng mga bagay, ng hindi pagtugma ng mga ito sa iyong inaasahan, o ng pagiging kapus-palad, at iba pa. Kapag naranasan mo na ang lahat ng pasakit na ito, magkakaroon ka ng kaunti pang kabatiran sa mga bagay na ito. Kung iuugnay mo ang mga ito sa mga katotohanang pinagbahaginan natin tungkol sa mga usaping ito, magkakaroon ka ng kaunti pang kabatiran sa buhay at kapalaran ng mga tao, na mga inorden ng Diyos, pati na rin sa pagmamahal na umiiral sa pagitan ng mga tao, sa paraang napakamasinsinan. Kapag nagkaroon ka ng kabatiran sa mga bagay na ito, magiging madali para sa iyo na bitiwan ang mga ito. Kapag kaya mong bitiwan ang mga bagay na ito at mapangasiwaan ang mga ito nang tama, magagawa mong harapin ang mga ito nang tama. Hindi mo haharapin ang mga ito batay sa mga doktrina ng tao o sa mga pamantayan ng konsensiya ng tao; haharapin mo ang mga ito alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ano ang ibig sabihin ng maging alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo? Nangangahulugan ito na magagawa mong magpasakop sa Diyos. Kung magagawa mong magpasakop sa Diyos at sa Kanyang mga pangangasiwa, isa itong magandang senyales at isang mabuting pahiwatig. Ano ang ipinahihiwatig nito? Na may pag-asa kang maligtas. Kaya, pagdating sa usapin ng mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, hindi mahalaga kung ikaw ay bata pa, nasa katanghaliang-gulang, matanda, o nasa mga huling taon mo na ngayon, at kahit hindi mo pa naranasan ito, kung nararanasan mo na ito ngayon mismo, o kung naranasan mo na ito, ang kailangan ninyong gawin ay hindi lang bastang bitiwan ang inyong nararamdaman, o putulin ang ugnayan ninyo sa inyong mga magulang at humiwalay sa kanila, kundi kailangan ninyong magsikap tungo sa katotohanan, at hangaring maunawaan ang mga aspektong ito ng katotohanan. Ito ang pinakamahalagang bagay. Kapag nauunawaan ninyo ang iba’t ibang, kumplikadong relasyon, maaari na kayong makalaya mula sa mga ito, at hindi na kayo mapipigilan ng mga ito. Kapag hindi ka na napipigilan ng mga ito, magiging mas madali para sa iyo na magpasakop sa mga pangangasiwa ng Diyos, at mas kaunting balakid at mas maliliit na hadlang ang haharapin mo sa paggawa nito. Kung gayon, mas malamang na hindi ka maghihimagsik laban sa Diyos, hindi ba?
Malinaw mo na ba ngayong nauunawaan at nalulutas ang lahat ng mahalagang usaping ito na may kaugnayan sa mga magulang? Kapag may libreng oras kayo, pagnilayan ninyo ang katotohanan. Kung, sa hinaharap, o sa mga bagay na nararanasan mo ngayon, maiuugnay mo ang mga bagay na ito sa katotohanan, at malulutas ang mga problemang ito batay sa katotohanan, mas kaunting problema at paghihirap ang kakaharapin mo, at magiging napakaluwag at masaya ng pamumuhay mo. Kung hindi mo haharapin ang mga bagay na ito batay sa katotohanan, marami kang kakaharaping problema, at magiging napakahirap ng buhay mo. Ito ang kalalabasan. Tatapusin Ko na rito ngayon ang pagbabahagi tungkol sa paksa ng mga ekspektasyon ng magulang. Paalam na!
Abril 29, 2023