Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 16
Ano ang pinagbahaginan sa huling pagtitipon? (Sa huling pagtitipon, pangunahing nagbahagi ang Diyos tungkol sa pagbitiw sa pagkokondisyon ng pamilya ng isang tao tungkol sa tradisyon, pamahiin, at relihiyon. Detalyadong nagbahagi ang Diyos tungkol sa ilang mapamahiing kasabihan tulad ng “Dumpling kapag paalis, pansit kapag pauwi,” at “Ang pagkibot ng kaliwang mata ay nagbabadya ng magandang kapalaran, subalit ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna,” pati na ang epekto ng ilang tradisyonal na kaugaliang kaugnay ng Chinese New Year at iba pang mga pagdiriwang sa mga tao. Kasabay nito, nagbahagi ang Diyos sa tamang paraan ng pagharap natin sa mga tradisyonal at mapamahiing kasabihan at kaugaliang ito, kung saan dapat tayong maniwala na talagang magaganap ang ilang pangyayari, habang naniniwala rin na nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng bagay. Anuman ang ipinapahiwatig ng mga kasabihang ito o anuman ang mga pangyayaring maaaring maganap, dapat lahat tayo ay magkaroon ng isang mapagtanggap at mapagpasakop na saloobin at magawang ipasailalim ang ating sarili sa pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos.) Ito ang mga batayang elemento ng ating pagbabahaginan noong huling pagtitipon. Pagdating sa nilalaman na may kaugnayan sa mga tradisyon, pamahiin, at relihiyon na ikinokondisyon ng mga pamilya sa mga tao, detalyado tayong nagbahaginan sa ilang bagay na nakakaharap ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Bagamat ang nilalaman ng ating pagbabahaginan ay sumasaklaw lamang sa mga tradisyon, pamahiin, at relihiyong parte ng pang-araw-araw na buhay ng mga Tsino na pamilyar sa ating lahat, at hindi ito kumakatawan sa bawat bansa at lahi, ang mga tradisyon, pamahiin, at relihiyong kinakapitan ng mga taong namumuhay sa iba’t ibang rehiyon at lahi ay kapareho ng mga ito sa kalikasan—lahat sila ay sumusunod sa ilang tradisyon, kagawian sa pamumuhay, at mapamahiing kasabihan na ipinamana ng kanilang mga ninuno. Hindi mahalaga kung ang mga mapamahiing bagay na ito ay isang sikolohikal lamang na epekto ng isipan ng mga tao o kung tunay ang mga ito, sa madaling salita, ang saloobin ninyo sa mga ito ay dapat na kilalaning malinaw ang pangunahing kaisipan at diwa sa likod ng mga pamahiing ito. Kasabay nito, hindi ka dapat maimpluwensyahan o magambala ng mga ito. Sa halip, dapat kang maniwala na ang lahat tungkol sa mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos, na hindi mga pamahiin ang nagmamanipula sa mga tao, at na lalong hindi mga pamahiin ang nagdidikta sa kapalaran o pang-araw-araw na buhay ng mga tao. Totoo man o hindi ang mga pamahiin, epektibo o totoo man ang mga ito, sa alinmang paraan, kapag hinaharap ang mga ganitong bagay, dapat magkaroon ang mga tao ng prinsipyo na umaayon sa katotohanan. Hindi sila dapat mabighani o maging kontrolado ng mga pamahiing ito, at lalong hindi nila dapat hayaan ang mga ito na makasagabal sa mga normal na layon ng kanilang paghahangad o ng kanilang pagsasagawa sa mga prinsipyo. Sa mga paksa ng tradisyon, pamahiin, at relihiyon, ang pamahiin ang lumilikha ng pinakamalaking hadlang at impluwensiya sa mga buhay, kaisipan, at pananaw ng mga tao sa iba’t ibang bagay. Karaniwang hindi nangangahas ang mga tao na isuko ang mga mapamahiing kasabihan at depinisyong ito, at hindi kailanman nalulutas ang mga suliranin sa buhay na likha ng mga pamahiing ito. Ang katunayan na hindi nangangahas ang mga tao na kumawala sa mga gapos ng mga pamahiing ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay ay nagpapatunay na hindi pa sapat ang kanilang pananalig sa Diyos. Hindi pa nila lubos na naunawaan o tumpak na naintindihan ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan. Kaya, kapag nahaharap ang mga tao sa isang mapamahiing kasabihan o ilang damdamin na may kaugnayan sa pamahiin, lubos silang magagapos. Lalo na kapag kasali ang malalaking pangyayari na may kaugnayan sa buhay at kamatayan, sa kanilang kapalaran, o sa buhay at kamatayan ng kanilang mga mahal sa buhay, mas lalo pang nagagapos ang mga tao sa diumano’y mga pamahiing ipinagbabawal at mga pahayag na ito, at sa malaking antas, hindi nila magawang palayain ang kanilang sarili. Palagi silang natatakot na malalabag nila ang isang ipinagbabawal at ito ay magkakatotoo, na baka sumapit sa kanila ang kasawian, at baka may mangyaring masama sa kanila. Pagdating sa pamahiin, palaging hindi magawang kilatisin ng mga tao ang diwa ng isyu, at mas lalong hindi nila kayang kumawala sa mga gapos ng lahat ng uri ng mga pamahiin. Siyempre, hindi rin nila magawang malinaw na maunawaan ang impluwensiyang mayroon ang pamahiin sa buhay ng mga tao. Mula sa perspektiba ng pag-uugali ng tao at mula sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao sa mga pamahiin, ang kamalayan at mga perspektiba ng kanilang mga kaisipan ay labis pa ring naiimpluwensiyahan ni Satanas, at kontrolado ng isang uri ng di-nakikitang puwersa mula sa labas ng materyal na mundo. Kaya, habang sinusunod ng mga tao ang Diyos at tinatanggap ang Kanyang mga salita, kontrolado pa rin sila ng mga mapamahiing kasabihang may kaugnayan sa kanilang kapalaran, sa buhay at kamatayan, at sa kanilang pag-iral. Ibig sabihin, sa kaloob-looban ng kanilang isipan, naniniwala pa rin sila na talagang totoo ang mga pamahiing ito. Ano ang ibig sabihin ng kanilang paniniwala rito? Ibig sabihin, nakokontrol pa rin ang mga tao ng mga di-nakikitang puwersa sa likod ng mga pamahiing ito, sa halip na tunay na nakikilala na ang kanilang kapalaran ay pinamumunuan at pinamamatnugutan ng kamay ng Diyos. Nangangahulugan din ito na hindi sila lubusang masaya o panatag na iasa ang kanilang kapalaran sa Diyos, bagkus ay hindi sinasadyang nagiging kontrolado sila ni Satanas. Halimbawa, ang pang-araw-araw na pamumuhay, mga panuntunan para mabuhay, mga kuru-kuro, at iba pa ng mga taong regular na nagnenegosyo, mga taong madalas na naglalakbay, at mga taong dati nang medyo naniniwala sa mga mapamahiing aktibidad at kasabihan tulad ng pagbabasa ng mukha, ang walong trigram at ang I Ching, ang mga pag-aaral ng yin at yang, at kahalintulad, ay malalim na iniimpluwensiyahan, kinokontrol, at minamanipula ng mga pamahiing ito. Ibig sabihin, kahit ano pang gawin nila, kailangan itong magkaroon ng teoretikal na batayan na nagmumula sa pamahiin. Halimbawa, kapag lumalabas sila, kailangan nilang tingnan kung ano ang sinasabi sa kalendaryo, at kung mayroon bang anumang ipinagbabawal. Kapag nagpapatakbo ng negosyo, pumipirma ng mga kontrata, bumibili o nagbebenta ng mga bahay, at iba pa, talagang kailangan pa nilang kumonsulta sa kalendaryo sa araw na iyon. Kung hindi nila ito gagawin, nakakaramdam sila ng pag-aalinlangan at hindi nila alam kung ano ang maaaring mangyari. Nakakaramdam lamang sila ng kasiguraduhan at kapayapaan ng isip kapag kumikilos at nagdedesisyon sila pagkatapos kumonsulta sa kalendaryo. Dagdag pa rito, dahil nangyayari ang ilang masamang bagay bilang resulta sa kanilang paglabag sa ilang ipinagbabawal, ang kanilang kaalaman at paniniwala na totoo ang mga pamahiing ito ay lalo pang nagiging tiyak pagkatapos, at sila ay nagagapos ng mga pamahiing ito. Mas matibay nilang pinaniniwalaan na ang kapalaran, kayamanan, at buhay at kamatayan ng mga tao ay kontrolado ng mga mapamahiing kasabihan, at na sa hindi nakikita at mahiwagang mundo, mayroong isang di-nakikitang malaking kamay na kumokontrol sa sarili nilang kapalaran, buhay at kamatayan. Kaya, taimtim silang naniniwala sa lahat ng pamahiin, lalo na sa mga malapit na nauugnay sa kanilang buhay at kaligtasan ng buhay, hanggang sa puntong pagkatapos nilang manalig sa Diyos, bagamat sa salita ay umaamin at naniniwala sila na ang kapalaran ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos, kadalasang hindi namamalayang nababagabag at kontrolado sila ng iba’t ibang mapamahiing pahayag sa kaibuturan ng kanilang puso. May ilang tao pa nga na nalilito sa mga diumano’y ipinagbabawal na ito ng buhay—kung alin ang magkasalungat, kung ano ang nakatakdang mangyari sa kapalaran ng isang tao, at iba pang mapamahiing pahayag—sa mga katotohanang prinsipyo, at sumusunod sa mga ito. Ang mga saloobing ito na kinikimkim ng mga tao ukol sa mga pamahiin ay lubhang nakakaapekto sa mga saloobin nila ukol sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos sa presensiya ng Diyos. Lubha ring nakakaapekto ang mga ito sa mga saloobin ng mga tao bilang nilikha ukol sa Lumikha, at siyempre, nakakaapekto ang mga ito sa saloobin ng Diyos ukol sa mga taong iyon. Ito ay dahil habang sinusunod ng mga tao ang Diyos, sila pa rin ay kusa at di-sinasadyang kinokontrol at ginugulo ng iba’t ibang kaisipan at kasabihan na may kaugnayan sa pamahiin, na ikinintal ni Satanas sa kanila. Kasabay nito, mahirap din para sa mga tao na bitiwan ang iba’t ibang kaisipan at kasabihang ito na may kaugnayan sa pamahiin.
Kabilang sa mga bagay na ikinokondisyon ng mga pamilya sa mga tao, ang mga pamahiin, sa katunayan, ang pinakalubhang nakakasagabal sa mga tao, at ang nagdudulot ng pinakamalalim at pinakapangmatagalang epekto sa kanila. Samakatuwid, pagdating sa mga pamahiin, dapat siyasatin at isa-isang alamin ng mga tao ang mga ito sa kanilang totoong buhay, at tingnan kung nakatanggap ba sila ng anumang uri ng pagkokondisyon o impluwensiya mula sa kanilang malalapit na pamilya, kamag-anak, o angkan patungkol sa pamahiin. Kung mayroon man, kailangan nilang isa-isang bitiwan ang mga pamahiing ito, sa halip na kumapit sa mga ito, sapagkat ang mga bagay na ito ay walang kaugnayan sa katotohanan. Kapag madalas na lumilitaw sa pang-araw-araw na buhay ng isang tao ang kaugalian ng isang tradisyonal na pamumuhay, maaari itong magtulak sa kanila na masunurin at hindi sinasadyang magpasailalim sa kontrol ni Satanas. Dagdag pa rito, ang mga mapamahiing kasabihan na nakakaimpluwensiya sa mga kaisipan ng mga tao ay mas higit pang may kakayahang panatilihing mahigpit na kontrolado ang mga tao sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kaya, bukod sa mga tradisyon at relihiyon, ang anumang kaisipan, pananaw, kasabihan, o patakarang may kaugnayan sa pamahiin ay dapat na bitiwan kaagad, at hindi ito dapat kapitan. Sa Diyos, wala ang mga ipinagbabawal. Ang mga salita ng Diyos, ang mga hinihingi ng sangkatauhan, at mga layunin ay malinaw na ipinapahayag sa salita ng Diyos. Bukod pa rito, ang lahat ng sinasabi ng Diyos sa mga tao o hinihingi Niya sa kanila sa Kanyang mga salita ay nauukol sa katotohanan at hindi naglalaman ng anumang kakaibang elemento. Sinasabi lamang ng Diyos sa mga tao nang malinaw at tuwiran kung paano kumilos at anong mga prinsipyo ang susundin sa kung ano ang mahalaga. Walang mga ipinagbabawal at walang maseselang detalye o kasabihan. Ang kailangang sundin ng mga tao ay ang kumilos batay sa mga katotohanang prinsipyo ayon sa kanilang sariling aktuwal na mga sitwasyon. Upang isagawa ang mga salita ng Diyos at sundin ang mga katotohanang prinsipyo, hindi mo kailangang tingnan ang petsa o oras; walang mga ipinagbabawal. Hindi rin kailangang konsultahin ang kalendaryo, lalo na ang isang horoscope, o kung ito ba ay kabilugan ng buwan o bagong buwan sa araw na iyon; hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa mga bagay na ito. Sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos at sa loob ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ang mga tao ay may kalayaan at liberasyon. Ang kanilang puso ay mahinahon, masaya, at mapayapa, at hindi napupuno ng pagkataranta o pagkatakot, at lalo na ng pagpipigil. Ang pagkataranta, pagkatakot, at pagpipigil ay mga damdamin lamang na dulot ng iba’t ibang pamahiin. Ang katotohanan, ang mga salita ng Diyos, ang mga hinihingi ng Diyos, at ang gawain ng Banal na Espiritu ay nagbibigay sa mga tao ng kapayapaan at kagalakan, kalayaan at liberasyon, kaluwagan at kaligayahan. Gayunpaman, ang mismong kabaligtaran ang idinudulot ng pamahiin. Ginagapos ka nito nang husto, pinipigilan kang gawin ang ganito o ganyan, pinahihinto ka sa pagkain ng ganito o ganyan. Anuman ang iyong ginagawa ay mali at anuman ang iyong ginagawa ay may kasangkot na ipinagbabawal, at ang lahat ng bagay ay dapat naaayon sa mga kasabihan ng sinaunang almanac. Kung anong oras ito sa lunar calendar, kung ano ang pwedeng gawin sa alinmang araw, kung pwede ka bang lumabas—maging ang pagpapagupit, paliligo, pagpapalit ng damit, at pakikipagkita sa mga tao ay pawang may kani-kanilang mga ipinagbabawal. Sa partikular, ang mga kasal at libing, paglilipat ng bahay, paglabas para sa mga aasikasuhin, at paghahanap ng trabaho ay mas lalo pang nakadepende sa almanac. Ginagamit ni Satanas ang lahat ng uri ng pamahiin at kakaibang kasabihan para mahigpit na igapos ang mga tao. Ano ang layon ni Satanas sa paggawa nito? (Para kontrolin ang mga tao.) Sa modernong pananalita, ipinaparamdam nito ang presensiya nito. Ano ang ibig sabihin niyon? Ibig sabihin ay ipaalam sa mga tao ang presensiya nito, ipaalam sa kanila na ang mga pahayag na ito tungkol sa mga isinusulong nitong mga ipinagbabawal ay totoo, na ito ang may huling salita, na kaya nitong gawin ang mga bagay na ito, at na kung hindi ka makikinig dito ay bibigyan ka nito ng isang bagay na titingnan. Ano ang alegoryang iyon? Ito ay: “Naglalagay ng kolorete ang isang matandang babae—para bigyan ka ng isang bagay na titingnan.” Ibig sabihin nito ay na kung hindi ka makikinig o kung lalabag ka sa ipinagbabawal na ito, kakailanganin mo na lang na hintayin at tingnan kung ano ang mangyayari, at kakailanganin mong pasanin ang mga kahihinatnan. Kung hindi nananaligsa Diyos ang mga tao, sila ay natatakot sa mga ipinagbabawal na ito, dahil kung tutuusin, ang mga tao ay may laman, at hindi nila kayang labanan ang lahat ng iba’t ibang uri ng diyablo at si Satanas sa espirituwal na mundo. Pero ngayong nagbalik ka na sa harapan ng Diyos, ang lahat ng tungkol sa iyo, kasama na ang iyong mga kaisipan at bawat araw ng iyong buhay, ay nasa ilalim ng kontrol ng Diyos. Binabantayan ka ng Diyos at pinoprotektahan ka. Nabubuhay at umiiral ka sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, at hindi ka hawak ni Satanas. Kaya, hindi mo na kailangang sumunod pa sa mga ipinagbabawal na ito. Bagkus, kung natatakot ka pa rin na mapinsala ka ni Satanas, o na mangyayari ang masasamang bagay sa iyo kung hindi ka makikinig kay Satanas o maniniwala sa mga ipinagbabawal na binabanggit sa mga pamahiin, pinatutunayan nito na naniniwala ka pa rin na kayang kontrolin ni Satanas ang iyong kapalaran. Kasabay nito, pinatutunayan din nito na pumapayag kang magpasakop sa manipulasyon ni Satanas at hindi ka pumapayag tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ginagawa ni Satanas ang lahat ng ito upang ipaalam sa mga tao na talagang umiiral ito. Nais nitong gamitin ang mahika nito para kontrolin ang sangkatauhan, para kontrolin ang bawat nabubuhay na bagay. Ang layon ng pagkontrol sa mga nabubuhay na bagay na ito ay para sirain ang mga ito, at ang layon at huling resulta ng pagsira sa mga ito ay ang lamunin sila nito. Siyempre, ang layon ng pagkontrol sa kanila ay para din na sambahin ito ng mga tao. Kung gusto ng diyablong si Satanas na iparamdam ang presensiya nito, kailangan nitong magpakita ng kaunting pagkaepektibo. Halimbawa, maaari nitong gawing dumi ang isang itlog. Ang itlog na ito ay ibinibigay sa altar ng isang masamang espiritu, at kung nagugutom ka at gusto mong kainin ito, at sinusubukan mong agawin ito mula sa diyablo, gagawin nitong dumi ang itlog upang ipaalam sa iyo ang kapangyarihan nito. Matatakot ka rito at hindi ka mangangahas na makipagkumpitensiya rito para sa pagkain. Kung natatakot ka rito dahil sa isang bagay, at pagkatapos ay natatakot ka rito dahil sa isa pang bagay, sa paglipas ng panahon ay magsisimula kang maniwala nang bulag dito. Kung bulag kang naniniwala rito nang kaytagal, magsisimula kang sumamba rito mula sa kaibuturan ng iyong puso. Hindi ba’t ito ang mga layon ng mga kilos ni Satanas? Kumikilos si Satanas nang tumpak para sa mga layong ito. Ito man ay nasa timog o hilaga, at anumang lahi ng tao ito, sinasamba nilang lahat ang masasama at maruruming espiritu nang nakaluhod. Bakit nila sinasamba ang mga ito nang nakaluhod? Bakit nagagawa ng masasama at maruruming espiritu na iyon, na kanilang sinasamba nang nakaluhod, na patuloy na magsunog ng insenso para sa kanila sa sunod-sunod na henerasyon? Kung sasabihin mong hindi sila totoo, bakit maraming tao ang naniniwala sa kanila at patuloy na nagsusunog ng insenso para sa kanila, yumuyukod sa kanila, gumagawa ng mga panata para sa kanila at pagkatapos ay tumutupad sa kanilang mga panata, sa sunod-sunod na henerasyon? Hindi ba’t dahil ang masasama at maruruming espiritung iyon ay may nagawa? Kung hindi ka makikinig sa mga salita ng masasamang espiritu, bibigyan ka nila ng sakit, gagawing hindi kanais-nais ang mga bagay para sa iyo, magdudulot ng mga sakuna sa iyo, bibigyan ng sakit ang mga kalabaw ng iyong pamilya at nang hindi makapag-araro sa bukid ang mga ito, at magsasanhi pa nga ng mga aksidente sa sasakyan sa iyong pamilya. Maghahanap sila ng mga paraan para guluhin ka, at habang mas ginagawa nila ito, mas magkakaroon ka ng maraming problema. Hindi ka pwedeng tumangging sumunod, at sa huli, wala kang magagawa kundi sumamba sa kanila nang nakaluhod, at magkukusa kang iyuko ang iyong ulo para magpasakop sa kanila, sa puntong iyon, magiging masaya sila. Mula noon, ikaw ay mapapabilang na sa kanila. Tingnan mo ang mga tao sa lipunan na kinokontrol ng mga espiritu ng soro o ng iba’t ibang katauhan sa espirituwal na mundo na makikita sa mga altar. Ano ang tawag natin dito? Tinatawag natin itong sinasapian at pinaninirahan ng masasamang espiritu. Sa mga karaniwang tao, ito ay tinatawag na pagiging kontrolado ng isang espiritu o pangangasiwa ng isang bagay sa katawan ng isang tao. Kapag nagsisimula nang maghanap ang masasamang espiritu ng mga katawan na pangangasiwaan, ayaw silang payagan ng kanilang mga target na gawin ito, kaya’t nakikialam ang masasamang espiritu at ginugulo ang kanilang mga target, nagsasanhi ng mga aksidente at abala sa mga pamilya ng mga ito. Ang mga nasa negosyo ay pinaparanas ng pagkalugi at hindi kailanman nagkakaroon ng mga customer; sila ay hinahadlangan hanggang sa puntong hindi sila makaraos at napakahirap para sa kanila na umusad. Sa huli, nagpapasakop at pumapayag na lang sila. Pagkatapos nilang pumayag, ginagamit ng masasamang espiritu ang kanilang pisikal na katawan para gawin ang mga bagay-bagay, para magsagawa ng mga tanda at kababalaghan, para akitin ang ibang tao, para gamutin ang mga karamdaman, para basahin ang mga kapalaran, para tumulong pa nga sa pagtawag sa mga espiritu ng mga patay, at iba pa. Hindi ba’t ginagamit ng masasamang espiritu ang mga paraang ito para ilihis, gawing tiwali, at kontrolin ang mga tao?
Kung ang mga mananampalataya sa Diyos ay may parehong mga pananaw at opinyon sa mga walang pananampalataya ukol sa mga mapamahiing kasabihang ito, ano ang kalikasan nito? (Ito ay pagsuway at paglalapastangan sa Diyos.) Tama, napakatumpak ng sagot na ito, ito ay isang malubhang paglapastangan sa Diyos! Sinusunod mo ang Diyos at sinasabing nananalig ka sa Kanya, ngunit kasabay nito, kinokontrol at ginugulo ka ng mga pamahiin. Kaya mo pa ngang sundin ang mga ikinintal na kaisipan ng mga pamahiin sa mga tao, at ang mas malala pa riyan, ang ilan sa inyo ay natatakot sa mga kaisipan at katunayang ito na kaugnay ng mga pamahiin. Ito ang pinakamalaking kalapastanganan sa Diyos. Bukod sa hindi ka makapagpapatotoo para sa Diyos, sinusunod mo rin si Satanas sa paglaban sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—ito ay kalapastanganan sa Diyos. Naiintindihan mo ba? (Oo.) Ang diwa ng paniniwala sa mga pamahiin o pagsunod sa mga pamahiin ng mga tao ay ang paglapastangan sa Diyos, kaya, hindi ba’t dapat mong bitiwan ang iba’t ibang uri ng pagkokondisyon na mayroon ang mga pamahiin sa iyo? (Oo.) Ang pinakasimpleng paraan ng pagbitiw sa mga ito ay ang huwag hayaan ang iyong sarili na guluhin ng mga ito, totoo man o hindi ang mga pamahiing iyon, at anuman ang idudulot ng mga ito. Kahit na talagang totoo ang mga pahayag ng mga pamahiin tungkol sa isang bagay, hindi ka dapat maabala o makontrol ng mga ito. Bakit? Dahil ang lahat ng bagay ay pinangangasiwaan ng Diyos. Kahit na matupad ni Satanas ang isang bagay, ito ay nagawa nang may pahintulot ng Diyos. Kung walang pahintulot ng Diyos, gaya ng sinabi ng Diyos, ni hindi mangangahas si Satanas na hawakan ang isang hibla ng buhok sa iyong ulo. Isa itong katunayan, at isa itong katotohanan na dapat paniwalaan ng mga tao. Samakatuwid, alinman sa iyong mga talukap ang kumibot, o kung nananaginip ka na natatanggal ang iyong mga ngipin, na nalalagas ang iyong buhok, o ng kamatayan, o anumang uri ng bangungot, dapat kang manalig na ang mga bagay na ito ay nasa mga kamay ng Diyos, at hindi ka dapat maimpluwensiyahan o maabala ng mga ito. Walang sinumang makapagpapabago sa mga bagay na nais isakatuparan ng Diyos, at walang sinumang makapagpapabago sa mga bagay na inorden ng Diyos. Ang mga bagay na inorden at pinlano ng Diyos ay mga katunayan na naisakatuparan na. Hindi mahalaga kung mayroon ka mang premonisyon o kung anumang uri ng mga pangitain ang ibinibigay sa iyo ng mga diyablong ito at ni Satanas sa espirituwal na mundo, hindi ka dapat maabala ng mga ito. Paniwalaan lamang na ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos, at na dapat magpasakop ang mga tao sa pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Ang mga bagay na malapit nang maganap o ang mga bagay na hindi maaaring mangyari ay lahat nasa kontrol at ordinasyon ng Diyos. Walang sinumang makapagpapabago sa mga ito, at mas lalong walang makahahadlang sa mga ito. Ito ay isang katunayan. Ang Lumikha ang dapat sambahin ng mga tao nang nakaluhod, hindi ang anumang puwersa sa espirituwal na mundo na kayang gawing totoo o ibalik ang mga pamahiin. Gaano man kalawak ang kapangyarihan ng mga diyablo at ni Satanas, anumang himala ang kaya nilang gawin, o anumang bagay ang kaya nilang gawing totoo, o anumang premonisyon ng isang tao at anumang mapamahiing kasabihan ang kaya nilang gawing realidad, wala sa mga ito ang nangangahulugang hawak nila ang kapalaran ng mga tao sa kanilang mga kamay. Hindi ang mga diyablo at si Satanas ang dapat sambahin ng mga tao nang nakaluhod, kundi ang Lumikha. Ito ang mga bagay na dapat maunawaan ng mga tao pagdating sa paksa ng pagkokondisyon ng pamilya kaugnay sa mga tradisyon, pamahiin, at relihiyon. Sa madaling salita, ito man ay may kinalaman sa tradisyon, pamahiin, o relihiyon, hangga’t ang isang bagay ay walang kinalaman sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, o sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, dapat itong talikuran at bitiwan ng mga tao. Isa man itong pamumuhay o isang uri ng kaisipan, o isa mang patakaran o teorya, hangga’t wala itong kinalaman sa katotohanan, isa itong bagay na dapat iwaksi ng mga tao. Halimbawa, sa mga kuru-kuro ng mga tao, ang mga bagay na may kinalaman sa relihiyon, tulad ng Kristiyanismo, Katolisismo, Judaismo, at iba pa, ay itinuturing na medyo marangal at banal kumpara sa pamahiin, tradisyon, o pagsamba sa idolo. Nakakaramdam ng kaunting paghanga o pagpabor ang mga tao sa mga ito sa kanilang mga kuru-kuro at sa kaloob-looban ng kanilang isipan, pero sa kabila nito, dapat bitiwan ng mga tao ang mga simbolo, pagdiriwang, at mga tandang nauugnay sa relihiyon at hindi dapat sobrang pahalagahan ang mga ito o tratuhin ang mga ito nang pareho sa katotohanan, sambahin ang mga ito nang nakaluhod, o paglaanan pa nga ng puwang ang mga ito sa kanilang puso. Hindi ito dapat gawin. Ang mga simbolo ng relihiyon, mga gawain sa relihiyon, mga pagdiriwang sa relihiyon, ilang kilalang bagay sa relihiyon, pati na ang ilang medyo marangal na kasabihan sa relihiyon, at iba pa, ay pawang nabibilang sa saklaw ng paksa ng relihiyon na pinag-usapan natin. Sa madaling salita, ang layon ng pagsasabi ng lahat ng ito ay ang ipaunawa sa iyo ang isang katunayan: Pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa pamahiin, tradisyon, at relihiyon, hindi mahalaga kung marangal man o medyo kakaiba ang mga ito, hangga’t walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan, dapat bitiwan ang lahat ng ito, at hindi dapat kumapit ang mga tao sa mga ito. Siyempre, ang mga paksang lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo ay lalo pang dapat talikuran at ganap na hindi dapat panatilihin ang mga ito. Dapat na may katiyakang bitiwan ng mga tao ang lahat ng bagay na nagmumula sa pagkokondisyon at impluwensiya ng kanilang mga pamilya, nang paisa-isa, at huwag pahintulutang maapektuhan ang kanilang sarili ng mga ito. Halimbawa, kapag nakikita mo ang ilang kapatid sa Pasko, sa sandaling makita mo sila ay sasabihin mong, “Maligayang Pasko! Masayang Pasko!” Maganda bang sabihin ang: “Maligayang Pasko”? (Hindi, hindi maganda.) Nararapat bang sabihing, “Dahil ginugunita nito ang araw na isinilang si Jesus, hindi ba’t dapat tayong magpahinga sa araw na ito at walang anumang gagawin, at kahit gaano pa tayo kaabala sa ating gawain at mga tungkulin, hindi ba’t dapat tayong huminto at tumutok sa paggunita sa pinaka-hindi-malilimutang araw sa nakaraang yugto ng gawain ng Diyos?” (Hindi, hindi ito nararapat.) Bakit hindi ito nararapat? (Dahil ito ay gawaing ginawa ng Diyos sa nakaraan, at ito ay isang bagay na walang kinalaman sa katotohanan.) Sa doktrina, ganito ang kaso. Sa teorya, naarok ba ninyo ang ugat ng isyung ito, ngunit paano naman sa realidad? Ito ang pinakasimpleng bagay, at hindi ninyo Ako mabigyan ng sagot. Ayaw ng Diyos kapag gumagawa ang mga tao ng mga ganitong bagay; kinamumuhian Niya itong makita. Ganoon lang kasimple iyon. Sa mga pagdiriwang, sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Maligayang Bagong Taon! Maligayang Pasko!” Kung binabati nila Ako, tumatango lang Ako at nagsasabing, “Sa inyo rin!” na nangangahulugang “Maligayang Pasko rin sa inyo.” Iniraraos Ko lang ang pagbating ito, at iyon lang iyon. Ngunit hindi Ko ito kailanman sinasabi kapag nakikita ko ang mga kapatid. Bakit ganoon? Dahil isa itong pagdiriwang ng mga walang pananampalataya, isang pagdiriwang na komersiyal. Sa Kanluran, halos kada pagdiriwang, tradisyonal man o likha ng tao, ay talagang nauugnay sa kalakalan at konektado sa ekonomiya. Kahit na sa ilang bansa na may mahabang kasaysayan, ang kanilang mga pagdiriwang ay nauugnay lamang sa tradisyon at unti-unting umunlad tungo sa iba’t ibang komersiyal na aktibidad mula noong ika-20 siglo, at ang mga ito ay napakagandang oportunidad sa negosyo para sa mga mangangalakal. Komersiyal man o tradisyonal ang mga pagdiriwang na ito, ano’t anuman, walang kinalaman ang mga ito sa mga taong nananalig sa Diyos. Gaano man kasigasig ang mga walang pananampalataya o maging ang mga relihiyosong indibidwal tungkol sa mga pagdiriwang na ito o gaano man kaenggrande at kamangha-mangha ang mga pagdiriwang na ito sa alinmang bansa o bayan, walang kinalaman ang mga ito sa atin na mga sumusunod sa Diyos at ang mga ito ay hindi mga pagdiriwang na dapat nating obserbahan, lalo na ang ipagdiriwang o gunitain. At lalo na ang mga tradisyonal na pagdiriwang na nagmumula sa mga walang pananampalataya, anuman ang pinanggalingang lahi, pangkat etniko, o yugto ng panahon, walang kinalaman sa atin ang mga ito. Kahit ang mga anibersaryo na nauugnay sa bawat yugto at ang bawat bahagi ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay walang kinalaman sa atin. Halimbawa, walang kinalaman sa atin ang mga pagdiriwang mula sa Kapanahunan ng Kautusan, at lalong walang kinalaman sa atin ang Easter, Pasko, at iba pang mula sa Kapanahunan ng Biyaya. Sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa mga bagay na ito, ano ang nais Kong ipaunawa sa mga tao? Na hindi sinusunod ng Diyos ang mga pagdiriwang o alinmang patakaran sa mga bagay na ginagawa Niya. Kumikilos Siya nang malaya at walang paghihigpit, nang walang anumang ipinagbabawal, at hindi Siya kailanman gumugunita ng anumang pagdiriwang. Kahit na ito ang simula, ang wakas, o isang espesyal na araw ng nakaraang gawain ng Diyos, hindi ito kailanman ginugunita ng Diyos. Ang Diyos ay hindi gumugunita at hindi diretsahang nagpapakilala sa mga tao tungkol sa mga petsa, araw, o oras na ito. Sa isang aspekto, ito ay nagsasabi sa mga tao na ang Diyos ay hindi gumugunita sa mga araw na ito, na walang pakialam ang Diyos sa mga araw na ito. Sa isa pang aspekto, ito ay nagsasabi sa mga tao na hindi nila kailangang gunitain o ipagdiwang ang mga araw na ito, na hindi nila dapat panatilihin ang mga araw na ito. Hindi kailangang tandaan ng mga tao ang anumang araw o panahon na may kaugnayan sa gawain ng Diyos, lalo na ang gunitain ang mga ito. Ano ang kailangang gawin ng mga tao? Kailangan nilang magpasakop sa pamamatnugot ng Diyos at tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa ilalim ng Kanyang patnubay. Kailangan nilang tanggapin ang katotohanan at magpasakop sa katotohanan sa kanilang araw-araw na buhay. Ganoon lang kasimple iyon. Sa ganitong paraan, hindi ba’t magiging mas madali at mas kaaya-aya ang buhay ng mga tao? (Oo.) Samakatuwid, ang pagbabahaginan tungkol sa mga bagay na ito ay talagang naghahatid ng liberasyon at kalayaan sa bawat tao, at hindi pagkagapos. Dahil sa isang aspekto, ang mga paksang ito ay mga obhetibong katunayan at mga tunay na bagay na dapat maunawaan ng mga tao, at sa isa pang aspekto, pinapalaya rin nito ang mga tao at pinahihintulutan silang bitiwan ang mga bagay na ito na hindi nila dapat sundin. Kasabay nito, ipinapaalam din nito sa mga tao na ang mga bagay na ito ay hindi kumakatawan sa katotohanan, at na mayroon lamang isang daan ng Diyos na dapat sundin ng mga tao, at iyon ay ang katotohanan. Naiintindihan mo ba? (Oo.)
Pagdating sa paksa ng pamilya, bukod sa pagbitiw sa pagkokondisyon ng pamilya ng isang tao, mayroong iba pang aspekto na dapat bitiwan ang mga tao. Dati tayong nagbahaginan tungkol sa pagkokondisyon ng pamilya sa pag-iisip ng isang tao, at pagkatapos ay nagbahaginan tayo sa iba’t ibang kasabihan tungkol sa buhay na ikinokondisyon sa mga tao ng kanilang mga pamilya. Lahat ng pamilya ay nagbibigay sa mga tao ng matatag na buhay at puwang sa pag-unlad. Binibigyan din nila ang mga tao ng pakiramdam ng seguridad, isang bagay na maaasahan, at isang mapagkukunan ng mga pangunahing pangangailangan sa proseso ng kanilang pag-unlad. Bukod sa pagtupad sa kanilang mga emosyonal na pangangailangan, natutugunan din ng mga tao ang kanilang mga materyal na pangangailangan mula sa kanilang mga pamilya. Siyempre, nakakatanggap din sila ng mga pangangailangan sa buhay at ilang pangkalahatang kaalaman sa buhay na kailangan nila habang lumalaki. Maraming bagay ang natatanggap ng mga tao mula sa kanilang mga pamilya, kaya para sa bawat indibidwal, ang pamilya ay isang parte ng buhay na mahirap putulin. Marami ang mga pakinabang na hatid ng pamilya sa mga tao, ngunit kung titingnan ito mula sa perspektiba ng nilalaman ng ating pagbabahaginan, ang iba’t ibang negatibong impluwensiya, at ang mga negatibong saloobin sa buhay at perspektiba na hatid ng pamilya sa mga tao ay marami rin. Ibig sabihin, habang dinadalhan ka ng iyong pamilya ng maraming mahahalagang bagay para sa iyong pisikal na buhay, nagtutustos para sa iyong mga pangunahing pangangailangan, at nagbibigay sa iyo ng emosyonal na makakapitan at suporta, kasabay nito, nagdudulot din ito sa iyo ng ilang di-kinakailangang problema. Siyempre, mahirap para sa mga tao na takasan at bitiwan ang mga problemang ito bago nila maunawaan ang katotohanan. Sa isang partikular na antas, ang iyong pamilya ay nagdudulot ng parehong malalaki at maliliit na kaguluhan sa iyong pang-araw-araw na buhay at pag-iral, na ginagawang madalas na komplikado at salungat ang iyong mga damdamin sa iyong pamilya. Dahil natutugunan ng iyong pamilya ang iyong mga emosyonal na pangangailangan habang pinakikialaman din ang iyong buhay sa emosyonal na antas, ang terminong “pamilya” ay pumupukaw ng mga komplikado at mahirap ipaliwanag na kaisipan sa karamihan ng mga tao. Nararamdaman mong puno ka ng pagiging sentimental, ng pagkagiliw, at siyempre, ng pasasalamat sa iyong pamilya. Ngunit kasabay nito, ang mga kagusutan na dala sa iyo ng iyong pamilya ay nagpaparamdam sa iyo na isa itong malaking pagmumulan ng problema. Ibig sabihin, pagkatapos umabot sa hustong gulang ang isang tao, ang kanilang konsepto, mga kaisipan, at mga perspektiba sa kanilang pamilya ay nagiging medyo kumplikado. Kung ganap nilang bibitiwan, tatalikuran, o hindi na iisipin ang kanilang pamilya, hindi ito matitiis ng kanilang konsensiya. Kung iisipin naman nila ang kanilang pamilya, gugunitain, at buong-pusong ibubuhos ang kanilang sarili dito tulad noong bata pa sila, mararamdaman nilang ayaw nilang gawin ito. Madalas na nararanasan ng mga tao ang ganitong uri ng kalagayan, ganitong uri ng kaisipan, pananaw, o kondisyon kapag kinakaharap ang kanilang mga pamilya, at ang mga kaisipan at pananaw o mga kondisyong ito ay nagmumula rin sa pagkokondisyon ng kanilang mga pamilya. Ito ang paksa na pagbabahaginan natin ngayong araw: ang pasanin na idinudulot ng mga pamilya sa mga tao.
Ngayon lang, nagbahaginan tayo tungkol sa kung paanong madalas na ipinaparamdam ng pamilya sa isang tao na maguluhan at mabalisa. Gusto niyang ganap na bumitiw, ngunit nakakaramdam siya ng paninisi sa kanyang konsensiya at wala siyang lakas ng loob na gawin ito. Kung hindi siya bibitiw, bagkus ay buong-pusong mamumuhunan sa kanyang pamilya at makikipag-kaisa rito, madalas niyang mararamdaman na hindi niya alam kung ano ang gagawin dahil ang ilan sa kanyang mga pananaw ay salungat sa kanyang pamilya. Kaya, nararamdaman ng mga tao na talagang mahirap na pakitunguhan ang kanyang pamilya; hindi niya makamit ang ganap na pagkakasundo sa mga ito, pero hindi rin niya tuluyang maputol ang ugnayan sa mga ito. Ngayon, magbahaginan tayo kung paano dapat pangasiwaan ng isang tao ang kanyang relasyon sa kanyang pamilya. Ang paksang ito ay naglalaman ng ilang pasanin na nagmumula sa kanyang pamilya, na siyang ikatlong paksa sa nilalaman ng pagbitiw sa pamilya—pagbitiw sa mga pasanin na nagmumula sa pamilya ng isang tao. Isa itong mahalagang paksa. Ano ang ilan sa mga bagay na nauunawaan ninyo kaugnay sa mga pasaning nagmumula sa pamilya? Nauukol ba ang mga ito sa mga responsabilidad, obligasyon, pagiging mabuting anak, at iba pa? (Oo.) Ang mga pasaning nagmumula sa pamilya ay naglalaman ng mga responsabilidad, obligasyon, at pagiging mabuting anak na dapat tuparin ng isang tao para sa kanyang pamilya. Sa isang banda, ito ay ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat tuparin ng isang tao, ngunit sa kabilang banda—sa tiyak na mga partikular na sitwasyon at sa mga partikular na indibidwal—nagiging mga kaguluhan sa buhay ng isang tao ang mga ito, at ang mga kaguluhang ito ang tinatawag nating mga pasanin. Pagdating sa mga pasanin mula sa pamilya, maaari nating talakayin ito mula sa dalawang aspekto. Ang isang aspekto ay ang mga ekspektasyon ng magulang. Ang bawat magulang o nakatatanda ay may iba’t ibang ekspektasyon, malalaki at maliliit, para sa kanilang mga anak. Umaasa sila na ang kanilang mga anak ay mag-aaral nang mabuti, magpapakabait, magiging mahusay sa eskuwela, at magkakaroon ng pinakamataas na marka, at hindi magpapakatamad. Nais nilang respetuhin ang kanilang mga anak ng mga guro at kaklase, at maging regular na lampas sa 80 ang grado ng kanilang mga anak. Kung makakakuha ng 60 na marka ang kanilang anak, mapapalo ito, at kung makakakuha ito ng mas mababa pa sa 60, dapat itong humarap sa pader at pag-isipan ang mga mali nito, o pinapanatili itong nakatayo bilang isang parusa. Hindi ito tutulutang kumain, matulog, manood ng TV, o maglaro ng computer, at ang ipinangakong magagandang damit at laruan noon ay hindi na bibilhin para sa anak. May iba’t ibang ekspektasyon ang bawat magulang para sa kanilang mga anak at malalaki ang kanilang mga inaasam para sa mga ito. Umaasa sila na magiging matagumpay sa buhay ang kanilang mga anak, mabilis na susulong sa kanilang propesyon, at magdadala ng karangalan at kaluwalhatian sa kanilang mga ninuno at pamilya. Walang mga magulang ang nagnanais na ang kanilang mga anak ay maging pulubi, magsasaka, o magnanakaw at tulisan pa nga. Ayaw rin ng mga magulang na maging pangalawang uri na mamamayan ang kanilang mga anak pagkatapos pumasok sa lipunan, na mamumulot ng basura, magtitinda sa mga bangketa, magiging isang maglalako, o na mamaliitin ng iba. Maisasakatuparan man ng mga anak ang mga ekspektasyong ito sa kanila ng kanilang mga magulang, ano’t anuman, ang mga magulang ay may iba’t ibang ekspektasyon sa kanilang mga anak. Ang mga ekspektasyon nila ay ang presentasyon ng kung ano ang sa tingin nila ay magaganda at mararangal na bagay o paghahangad sa kanilang mga anak, binibigyan ang mga ito ng pag-asa, umaasa na maisakatuparan nila ang mga kahilingang ito ng magulang. Kaya, ano ang di-sinasadyang idinudulot ng mga pagnanais na ito mula sa magulang para sa kanilang mga anak? (Kagipitan.) Naglilikha ang mga ito ng kagipitan, at ano pa? (Mga pasanin.) Ang mga ito ay nagiging kagipitan at nagiging mga tanikala rin. Dahil mayroong mga ekspektasyon sa kanilang mga anak ang mga magulang, didisiplinahin, gagabayan, tuturuan nila ang kanilang mga anak ayon sa mga ekspektasyong iyon; mamumuhunan pa nga sila sa kanilang mga anak para maisakatuparan ang kanilang mga ekspektasyon, o magbabayad ng anumang halaga para sa mga ito. Halimbawa, umaasa ang mga magulang na magiging mahusay sa eskuwela ang kanilang mga anak, na mangunguna sa klase, makakakuha ng mahigit sa 90 na marka sa bawat pagsusulit, palaging magiging numero uno—o, ang pinakamalala, hindi bababa sa ikalimang ranggo. Pagkatapos ipahayag ang mga ekspektasyong ito, hindi ba’t gumagawa rin ng mga partikular na sakripisyo ang mga magulang kasabay niyon para tulungan ang kanilang mga anak na maabot ang mga layong ito? (Oo.) Upang makamit ng kanilang mga anak ang mga layong ito, gigising nang maaga ang mga anak para mag-review ng mga aralin at isaulo ang mga teksto, at gigising din nang maaga ang kanilang mga magulang para samahan sila. Sa mga mainit na araw, tutulong sila sa pagpapaypay ng kanilang mga anak, pagtitimplahan ang mga ito ng malalamig na inumin, o bibilhan ng sorbetes na makakain. Ang una nilang ginagawa sa umaga ay gigising para maghanda ng taho, mga pritong tinapay, at mga itlog para sa kanilang mga anak. Lalo na sa panahon ng mga pagsusulit, pinapakain ng mga magulang ang kanilang mga anak ng pritong tinapay at dalawang itlog, umaasa na makakatulong ito sa kanilang mga anak na makakuha ng 100 na marka. Kung sasabihin mong, “Hindi ko kayang kainin lahat ng ito, sapat na ang isang itlog lang,” sasabihin nila na, “Hangal na bata, sampung puntos lamang ang makukuha mo kung isang itlog ang kakainin mo. Kumain ka pa ng isa para kay Nanay. Gawin mo ang lahat ng iyong makakaya; kung magawa mong kainin ito, makakakuha ka ng isangdaang puntos.” Sasabihin ng anak, “Kagigising ko lang, hindi pa ako pwedeng kumain.” “Hindi, kailangan mong kumain! Magpakabait ka at makinig ka sa nanay mo. Ginagawa ito ni Nanay para sa sarili mong ikabubuti, kaya sige na at kainin mo na ito para sa nanay mo.” Magninilay-nilay ang anak, “Sobrang nagmamalasakit si nanay. Lahat ng ginagawa niya ay para sa aking ikabubuti, kaya kakainin ko ito.” Ang kinakain ay isang itlog, ngunit ano ba talaga ang nilulunok? Ito ay kagipitan; ito ay pag-aalinlangan at hindi pagsang-ayon. Ang pagkain ay mabuti at matataas ang ekspektasyon ng kanyang ina, at mula sa pananaw ng sangkatauhan at konsensiya, dapat itong tanggapin ng tao, ngunit batay sa katwiran, dapat labanan ng tao ang ganitong uri ng pagmamahal at hindi tanggapin ang ganitong paraan ng paggawa sa bagay-bagay. Subalit, naku, wala ka namang magagawa. Kung hindi ka kakain, magagalit ang nanay mo, at ikaw ay papaluin, pagagalitan, o mumurahin pa nga. Ang ilang magulang ay nagsasabing, “Tingnan mo ang sarili mo, masyadong walang silbi na kahit ang pagkain ng itlog ay kailangan pang pagsikapan. Isang tinustang tinapay at dalawang itlog, hindi ba’t isangdaang puntos iyon? Hindi ba’t lahat ng ito ay para sa ikabubuti mo? Pero hindi mo pa rin ito kayang kainin—kung hindi mo ito kayang kainin, sa hinaharap, mamamalimos ka para sa pagkain. Bahala ka na nga!” May mga anak din na talagang hindi makakain, ngunit pinipilit silang kumain ng kanilang mga magulang, at pagkatapos ay isinusuka nila lahat ito. Ang pagsusuka mismo ay hindi gaanong malaking problema, pero mas lalong nagagalit ang kanilang mga magulang, at bukod sa hindi nakakatanggap ng simpatiya o pag-unawa ang mga anak, sisisihin din sila. Kasabay ng pagsisi sa kanila, mas lalo rin nilang mararamdaman na binigo nila ang kanilang mga magulang at mas lalo nilang sisisihin ang kanilang sarili. Hindi madali ang buhay para sa mga anak na ito, hindi ba? (Hindi madali.) Pagkatapos magsuka, lihim kang umiiyak sa banyo, nagkukunwaring nagsusuka ka pa rin. Paglabas mo ng banyo, agad mong pinupunasan ang iyong mga luha, sinisigurong hindi makikita ng iyong ina. Bakit? Kung makikita niya, pagagalitan ka at maaaring murahin pa nga: “Tingnan mo ang sarili mo, napakawalang-silbi; ano ang iniiyakan mo? Wala kang kwenta, ni hindi mo kayang kumain ng masarap na pagkain. Ano ang gusto mong kainin? Kung magugutom ka sa susunod na kainan, hindi mo pa ba kakainin ito? Ipinanganak ka para magdusa! Kung hindi ka mag-aaral nang mabuti, kung hindi mo huhusayan sa mga pagsusulit, hahantong ka sa pamamalimos ng pagkain!” Ang bawat salita ng iyong ina ay tila naglalayong magturo, ngunit tila paninisi rin ito—pero ano nga ba ang nararamdaman mo? Nararamdaman mo ang mga ekspektasyon at pagmamahal ng iyong mga magulang. Kaya, sa sitwasyong ito, gaano man kalupit magsalita ang iyong ina, kailangan mong tanggapin at lunukin ang kanyang mga salita habang may luha sa iyong mga mata. Kahit hindi ka makakain, kailangan mong tiising kumain, at kahit nasusuka ka na, kailangan mo pa ring kumain. Madali bang tiisin ang buhay na ito? (Hindi, hindi madali.) Bakit hindi madali? Anong uri ng pagtuturo ang natatanggap mo mula sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang? (Ang pangangailangan na maging mahusay sa mga pagsusulit at magkaroon ng matagumpay na hinaharap.) Kailangan mong magpakita ng pag-asa, kailangan mong tugunan ang pagmamahal ng iyong ina at ang kanyang pagsisikap at mga sakripisyo, at kailangan mong tuparin ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang at huwag silang biguin. Mahal na mahal ka nila, ibinigay nila ang lahat para sa iyo, at ginagawa nila ang lahat para sa iyo sa kanilang mismong buhay. Kaya, ano ang naging bunga ng lahat ng kanilang sakripisyo, pagtuturo, at maging ng kanilang pagmamahal? Ang mga ito ay nagiging isang bagay na dapat mong suklian, at kasabay nito, nagiging pasanin mo ang mga ito. Ganito nagkakaroon ng pasanin. Hindi mahalaga kung ginagawa man ng mga magulang ang mga bagay-bagay dahil sa kanilang likas na gawi, dahil sa pagmamahal, o dahil sa mga pangangailangan ng lipunan, sa huli, ang paggamit ng mga pamamaraang ito para magturo at magtrato sa iyo, at magkintal pa nga ng iba’t ibang ideya sa iyo, ay hindi nagbibigay ng kalayaan, liberasyon, kaginhawahan, o kagalakan sa iyong kaluluwa. Ano nga ba ang hatid ng mga ito sa iyo? Ito ay kagipitan, ito ay takot, ito ay pagkondena at pagkabalisa ng iyong konsensiya. Ano pa? (Mga tanikala at hadlang.) Mga tanikala at hadlang. Higit pa riyan, sa ilalim ng mga ekspektasyong ito ng iyong mga magulang, hindi mo maiwasang mamuhay para sa kanilang mga inaasam. Para matugunan ang kanilang mga ekspektasyon, para hindi mo mabigo ang kanilang mga ekspektasyon, at para hindi sila mawalan ng pag-asa sa iyo, masigasig at maingat mong pinag-aaralan ang bawat asignatura araw-araw, at ginagawa mo ang lahat ng ipinapagawa nila sa iyo. Hindi ka nila pinapayagang manood ng TV, kaya’t masunurin kang tumatangging manood nito, kahit na gusto mo talagang manood. Bakit nagagawa mong tumanggi? (Dahil sa takot na mabigo ang aking mga magulang.) Natatakot ka na kung hindi ka makikinig sa iyong mga magulang, talagang babagsak ang iyong marka sa eskuwela, at hindi ka makakapasok sa isang prestihiyosong unibersidad. Hindi ka nakatitiyak sa sarili mong kinabukasan. Para bang kung walang pagkontrol, paninisi, at pagpipigil mula sa iyong mga magulang, hindi mo malalaman kung ano ang naghihintay sa unahan ng iyong landas. Hindi ka nangangahas na kumawala mula sa kanilang mga paghihigpit, at hindi ka nangangahas na kumawala mula sa kanilang mga tanikala. Maaari mo lang silang hayaang magtakda ng iba’t ibang patakaran para sa iyo, hayaan silang manipulahin ka, at hindi ka nangangahas na suwayin sila. Sa isang punto, wala kang katiyakan sa iyong kinabukasan; sa isa pang punto, dahil sa konsensiya at pagkatao, ayaw mong suwayin at saktan sila. Bilang kanilang anak, pakiramdam mo ay dapat kang makinig sa kanila dahil ang lahat ng ginagawa nila ay para sa iyong kabutihan, para sa iyong kinabukasan at para sa iyong mga inaasam. Kaya, kapag nagtakda sila ng iba’t ibang uri ng mga patakaran para sa iyo, tahimik mo na lamang na sinusunod ang mga ito. Kahit na isangdaang beses na ayaw mo sa puso mo, hindi mo pa rin maiwasang sundin ang kanilang mga utos. Hindi ka nila pinahihintulutang manood ng TV o magbasa ng mga librong panlibangan, kaya hindi ka na lang nanonood o nagbabasa ng mga ito. Hindi ka nila pinapayagang makipagkaibigan sa kaklaseng ito o iyan, kaya’t hindi ka nakikipagkaibigan sa kanila. Sinasabi nila sa iyo kung anong oras ka dapat gumising, kaya’t gumigising ka sa oras na iyon. Sinasabi nila sa iyo kung anong oras ka dapat magpahinga, kaya’t nagpapahinga ka sa oras na iyon. Sinasabi nila sa iyo kung gaano katagal ka dapat mag-aral, kaya’t nag-aaral ka nang ganoon katagal. Sinasabi nila sa iyo kung ilang libro ang dapat mong basahin, kung ilang ekstrakurikular na kasanayan ang dapat mong matutuhan, at hangga’t binibigyan ka nila ng pinansiyal na panustos para mag-aral ka, hinahayaan mo silang diktahan at kontrolin ka. Sa partikular, may ilang magulang na may mga espesyal na ekspektasyon sa kanilang mga anak, umaasa na malalampasan sila ng kanilang mga anak, at higit pang umaasa na matutupad ng kanilang mga anak ang isang pangarap na hindi nila natapos. Halimbawa, maaaring may ilang magulang na nagnais na maging mananayaw sila mismo, ngunit dahil sa iba’t ibang kadahilanan—tulad ng panahong kinalakhan nila o mga sitwasyong pampamilya—hindi nila nagawang isakatuparan ang pangarap na iyon sa bandang huli. Kaya, ipinapasa nila ang pangarap na iyon sa iyo. Bukod pa sa hinihingi nila sa iyo na maging isa ka sa mga pinakamahusay sa iyong eskuwela at makapasok ka sa isang prestihiyosong unibersidad, ini-enroll ka rin nila sa mga klase ng pagsasayaw. Pinapaaral ka nila ng iba’t ibang estilo ng sayaw sa labas ng paaralan, higit na pinapaaral sa klase ng pagsasayaw, higit na pinapasanay sa bahay, at hinikikayat kang maging ang pinakamahusay sa iyong klase. Sa huli, hindi lamang nila hinihingi na makapasok ka sa isang prestihiyosong unibersidad, kundi hinihingi rin nila na maging isa kang mananayaw. Ang mga pagpipilian mo ay ang maging isang mananayaw o pumasok sa isang prestihiyosong unibersidad, at pagkatapos ay pumunta sa graduate school at kumuha ng Ph.D. Mayroon ka lamang nitong dalawang landas na pagpipilian. Sa kanilang mga ekspektasyon, sa isang aspekto, umaasa sila na mag-aaral ka nang mabuti sa paaralan, makakapasok sa isang prestihiyosong unibersidad, mamumukod-tangi sa iyong mga kasamahan, at magkakaroon ng maunlad at maluwalhating kinabukasan. Sa isa pang aspekto, ipinapasa nila sa iyo ang kanilang mga hindi natupad na pangarap, umaasang matutupad mo ang mga ito para sa kanila. Sa ganitong paraan, pagdating sa akademya o sa iyong propesyon sa hinaharap, dalawa ang dinadala mong pasanin nang sabay. Sa isang punto, kailangan mong tugunan ang kanilang mga ekspektasyon at suklian sila para sa lahat ng kanilang nagawa para sa iyo, nagsisikap na sa huli ay mamumukod-tangi ka sa iyong mga kasamahan upang matamasa nila ang magandang buhay. Sa isa pang punto, kailangan mong tuparin ang mga pangarap na hindi nila naisakatuparan noong kabataan nila at tulungan silang matupad ang kanilang mga kahilingan. Nakakapagod, hindi ba? (Oo.) Alinman sa mga pasaning ito ay sapat na para tiisin mo; pareho itong mabigat sa iyo at ikaw ay hihingalin. Lalo na sa kasalukuyang panahon ng napakatinding kompetisyon, sadyang hindi matitiis at hindi makatao ang iba’t ibang hinihingi ng mga magulang sa kanilang mga anak; talagang hindi makatwiran ang mga ito. Ano ang tawag ng mga walang pananampalataya rito? Emosyonal na panggigipit. Kahit ano pa ang itawag ng mga walang pananampalataya rito, hindi nila malutas ang problemang ito, at hindi nila maipaliwanag nang malinaw ang diwa ng problemang ito. Tinatawag nila itong emosyonal na panggigipit, ngunit ano ang tawag natin dito? (Mga tanikala at pasanin.) Tinatawag natin itong mga pasanin. Pagdating sa mga pasanin, dapat ba itong dalhin ng isang tao? (Hindi.) Isa itong bagay na dagdag, isang karagdagan na iyong pinapasan. Hindi ito bahagi ng iyong pagkatao. Hindi ito isang bagay na mayroon o kailangan ng iyong katawan, puso, at kaluluwa, bagkus ay isa itong bagay na idinagdag. Nagmumula ito sa labas, hindi mula sa loob ng iyong sarili.
Ang iyong mga magulang ay may iba’t ibang ekspektasyon para sa iyong pag-aaral at sa iyong mga pagpipilian ng propesyon. Samantala, gumawa sila ng iba’t ibang sakripisyo, at naglaan ng maraming oras at lakas, upang matupad mo ang kanilang mga ekspektasyon. Sa isang banda, ito ay upang tulungan kang matupad ang kanilang mga kahilingan; sa kabilang banda, ito rin ay upang matugunan ang kanilang sariling mga ekspektasyon. Makatwiran man o hindi ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, sa madaling salita, ang mga pag-uugaling ito mula sa mga magulang, kasama na ang kanilang mga pananaw, saloobin, at pamamaraan, ay nagsisilbing mga di-nakikitang tanikala para sa bawat indibidwal. Hindi mahalaga kung ang kanilang dahilan ay pagmamahal sa iyo, sa iyong hinaharap, o para sa ikagaganda ng iyong buhay sa hinaharap, ano man ang kanilang mga dahilan, sa madaling salita, ang layon ng mga hinihinging ito, ang mga pamamaraan ng mga hinihinging ito, at ang pinagmumulan sa kanilang pag-iisip ay isang uri ng pasanin para sa sinumang indibidwal. Ang mga ito ay hindi isang pangangailangan ng sangkatauhan. Dahil hindi isang pangangailangan ng sangkatauhan ang mga ito, ang mga kahihinatnang hatid ng mga pasaning ito ay maaari lamang na magdulot ng pagkabaluktot, pagkalihis, at pagkawatak-watak sa pagkatao ng isang tao; inuusig, pinipinsala, at sinusupil ng mga ito ang pagkatao ng isang tao. Ang mga kahihinatnang ito ay hindi kanais-nais, kundi masamang-masama, at nakakaapekto pa nga sa buhay ng isang tao. Sa kanilang papel bilang mga magulang, hinihingi nila sa iyo na gawin ang iba’t ibang bagay na sumasalungat sa mga pangangailangan ng sangkatauhan, o ang ilang bagay na sumasalungat o lumalampas sa mga likas na gawi ng sangkatauhan. Halimbawa, maaaring payagan lamang ng mga magulang ang kanilang mga anak na matulog ng lima o anim na oras bawat gabi habang lumalaki ang mga ito. Hindi pinapayagan ang mga anak na magpahinga bago mag-alas-onse ng gabi, at kailangan nilang bumangon ng alas-singko ng umaga. Hindi sila pinapayagang gumawa ng anumang aktibidad na panlibangan, ni magpahinga tuwing Linggo. Dapat silang makatapos ng patikular na dami ng takdang-aralin at makagawa ng partikular na dami ng ekstrakurikular na pagbabasa, at iginigiit pa nga ng ilang magulang na dapat matuto ang kanilang mga anak ng isang wikang banyaga. Sa madaling salita, bukod sa mga kursong itinuturo sa paaralan, dapat ka ring mag-aral ng ilang dagdag na kasanayan at kaalaman. Kung hindi ka mag-aaral, hindi ka isang mabait, masunurin, masipag, o matinong anak; sa halip, ikaw ay walang kwenta, walang silbi, at hangal. Dahil umaasa sila sa kung ano ang pinakamainam para kanilang mga anak, sa ilalim ng pangunahing batayang ito, pinagkakaitan ka ng mga magulang ng kalayaan na matulog, ng kalayaan ng iyong kabataan, at pati na rin ng mga masasayang sandali ng iyong kabataan, habang kasabay nito, pinagkakaitan ka rin ng iba’t ibang karapatan na dapat mayroon ka bilang isang menor de edad. Sa pinakamababa, kapag nangangailangan ang iyong katawan ng pahinga—halimbawa, kailangan mo ng pito hanggang walong oras ng tulog para makabawi ang iyong katawan—pinahihintulutan ka lamang nilang magpahinga ng lima hanggang anim na oras, o kung minsan naman ay natutulog ka ng pito hanggang walong oras, ngunit may isang bagay na hindi mo kayang tiisin, ito ay ang walang humpay kang pupunahin ng iyong mga magulang, o sasabihan ka nila ng mga bagay tulad ng, “Simula ngayon, hindi mo na kailangang pumunta sa paaralan. Manatili ka na lang sa bahay at matulog! Dahil mahilig ka namang matulog, pwede kang matulog buong buhay mo sa bahay. Dahil ayaw mong pumasok sa paaralan, mamamalimos ka ng pagkain sa hinaharap!” Sa pagkakataong ito lang na hindi ka bumangon nang maaga at ganito na ang pagtrato nila sa iyo; hindi ba’t ito ay hindi makataong pagtrato? (Oo.) Kaya, upang maiwasan ang gayong nakakaasiwang sitwasyon, ang magagawa mo lang ay magkompromiso at magtimpi; tinitiyak mong magigising ka ng alas-singko ng umaga, at hihiga ka lang pagkatapos ng alas-onse ng gabi. Kusa mo bang pinipigilan ang iyong sarili nang ganito? Kontento ka bang gawin ito? Hindi. Wala kang ibang pagpipilian. Kung hindi mo gagawin ang hinihiling ng iyong mga magulang, baka bigyan ka nila ng masamang tingin o pagalitan ka. Hindi ka nila papaluin, sasabihan ka lang nila ng, “Itinapon namin ang iyong schoolbag sa basurahan. Hindi mo na kailangang pumasok. Manatili ka na lang ganito. Kapag 18 ka na, pwede kang maging basurero!” Sa ganitong pagdagsa ng kritisismo, hindi ka nila pinapalo o pinagsasabihan, kundi ginagalit ka na lang nila nang ganito, at hindi mo ito kayang tiisin. Ano ba ang hindi mo kayang tiisin? Hindi mo na kayang tiisin kapag sinasabi ng mga magulang mo na, “Kung matutulog ka ng dagdag na isa o dalawang oras, kakailanganin mo nang magpalimos ng pagkain sa hinaharap bilang isang palaboy.” Sa kaloob-looban mo, talagang balisa at malungkot ka tungkol sa pagtulog sa dagdag na dalawang oras na iyon. Pakiramdam mo ay may utang ka sa iyong mga magulang para sa dalawang oras na iyon ng pagtulog, na binigo mo sila matapos ang lahat ng pagsisikap na inilaan nila para sa iyo sa loob ng napakaraming taon, pati na rin ang kanilang taimtim na pagmamalasakit para sa iyo. Kinamumuhian mo ang iyong sarili, iniisip na, “Bakit ba napakakawalang-kwenta ko? Ano ang magagawa ko sa dagdag na dalawang oras na iyon ng pagtulog? Mapapabuti ba nito ang aking mga marka o makakatulong ba ito sa akin na makapasok sa isang prestihiyosong unibersidad? Bakit masyado akong nagpabaya? Kapag tumunog na ang alarm, dapat akong bumangon. Bakit ako nagpaliban pa ng ilang minuto?” Pag-iisipan mo ito: “Talagang pagod na pagod na ako. Kailangan ko talagang magpahinga!” Pagkatapos ay higit kang magninilay-nilay: “Hindi ako dapat mag-isip nang ganito. Hindi ba’t ang pag-iisip nang ganito ay pagsuway sa aking mga magulang? Kung mag-iisip ako nang ganito, hindi ba’t talagang magiging pulubi ako sa hinaharap? Ang mag-isip nang ganito ay pagbibigay ng kabiguan sa aking mga magulang. Dapat ko silang pakinggan at huwag masyadong maging sutil.” Sa ilalim ng iba’t ibang parusa at patakarang itinakda ng iyong mga magulang, pati na rin ng kanilang iba’t ibang hinihingi—kapwa makatuwiran at hindi makatwiran—mas lalo kang nagiging masunurin, ngunit kasabay nito, ang lahat ng ginagawa ng iyong mga magulang para sa iyo ay nagiging mga tanikala at pasanin para sa iyo nang hindi mo namamalayan. Kahit gaano mo subukan, hindi mo ito maiwawaksi o matatakasan; ang tanging magagawa mo ay dalhin ang pasaning ito kahit saan ka magpunta. Anong pasanin iyon? “Ang lahat ng ginagawa ng mga magulang ko ay para sa aking kinabukasan. Ako ay bata pa at walang alam, kaya dapat akong makinig sa aking mga magulang. Lahat ng ginagawa nila ay tama at mabuti. Nagdusa sila nang husto at naglaan nang sobra para sa akin. Dapat akong magsikap para sa kanila, mag-aral nang mabuti, maghanap ng magandang trabaho sa hinaharap at kumita ng pera para suportahan sila, bigyan sila ng magandang buhay, at suklian sila. Iyon ang dapat kong gawin at ang dapat kong isipin.” Gayunpaman, kapag iniisip mo ang mga pagtrato sa iyo ng iyong mga magulang, kapag naaalala mo ang mahihirap na taon na iyong pinagdaanan, ang masayang kabataang nawala sa iyo, at lalo na ang emosyonal na panggigipit ng iyong mga magulang, nararamdaman mo pa rin sa kaloob-looban mo na ang lahat ng ginawa nila ay hindi para sa mga pangangailangan ng iyong pagkatao, ni sa mga pangangailangan ng iyong kaluluwa. Isa iyong pasanin. Bagamat ganito ang iniisip mo, hindi ka kailanman nangahas na mapoot, hindi kailanman nangahas na harapin ito nang maayos at deretsahan, at hindi kailanman nangahas na makatwirang suriin ang lahat ng ginawa ng iyong mga magulang o ang kanilang saloobin sa iyo sa paraang sinabi sa iyo ng Diyos. Hindi ka kailanman nangahas na tratuhin ang iyong mga magulang sa pinakawastong paraan; hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Hanggang ngayon, sa mga usapin ng pag-aaral at pagpili ng propesyon, malinaw ba ninyong naunawaan ang pagsisikap at halagang binayaran ng inyong mga magulang para sa inyo, at kung ano ang ipinagagawa nila sa inyo at kung ano ang sinasabi nilang dapat ninyong hangarin? (Hindi ko malinaw na naunawaan ang mga bagay na ito noon at inakala ko na ang ginawa ng aking mga magulang ay dahil sa pagmamahal nila sa akin at para sa ikabubuti ng aking kinabukasan. Ngayon, sa pagbabahagi ng Diyos ay mayroon na akong kaunting pagkakilala, kaya’t hindi na ganoon ang tingin ko rito.) Kaya, ano ang nasa likod ng pagmamahal na ito? (Ito ay mga tanikala, pagkaalipin, at isang pasanin.) Sa katunayan, ito ay ang pagkakait ng kalayaan ng tao at ang pagkakait ng kaligayahan sa kabataan; ito ay hindi makataong pagsupil. Kung tinatawag itong pang-aabuso, maaaring hindi ninyo magawang tanggapin ang terminong ito mula sa posisyon ng iyong konsensiya. Kaya’t maaari lamang itong ilarawan bilang ang pagkakait ng kalayaan ng tao at kaligayahan sa pagkabata, gayundin bilang isang uri ng pagsupil sa mga menor de edad. Kung sasabihin natin na ito ay pang-aapi, hindi iyon magiging angkop. Sadyang bata ka pa lang at mangmang, at sila ang may huling salita sa lahat ng bagay. Mayroon silang ganap na kontrol sa mundo mo at hindi sinasadyang nagiging tau-tauhan ka nila. Sinasabi nila sa iyo kung ano ang gagawin, kaya ginagawa mo ito. Kung nais nilang mag-aral ka ng pagsasayaw, kailangan mong pag-aralan ito. Kung sasabihin mong, “Ayaw kong mag-aral ng pagsasayaw; hindi ako nasisiyahan dito, hindi ko masabayan ang ritmo, at hindi ako magaling bumalanse,” sasabihin nila na, “Sayang naman. Kailangan mo itong pag-aralan dahil gusto ko ito. Kailangan mo itong gawin para sa akin!” Kailangan mong mag-aral kahit naluluha ka na. Minsan ay sasabihin pa nga ng iyong ina na, “Mag-aral ka ng pagsasayaw para kay Nanay, pakinggan mo ang sinasabi ng nanay mo. Bata ka pa ngayon at hindi mo naiintindihan, pero paglaki mo, maiintindihan mo rin ito. Ginagawa ko ito para sa ikabubuti mo; kita mo, wala akong mga mapagkukunan noong bata pa ako, walang sinumang nagbayad sa mga aralin sa sayaw para sa akin. Hindi masaya ang kabataan ni Nanay. Pero ikaw, napakaganda ng kabataan mo ngayon. Kumikita kami ng iyong tatay at nag-iipon ng pera para makapag-aral ka ng pagsasayaw. Para kang isang munting prinsesa, isang munting prinsipe. Napakaswerte mo! Ginagawa ito ni Nanay at Tatay dahil mahal ka namin.” Paano ka sumasagot kapag naririnig mo ito? Wala kang masabi, hindi ba? (Oo.) Madalas na naniniwala ang mga magulang na walang anumang nauunawaan ang mga bata, at na ang anumang sasabihin ng mga nasa hustong gulang ay totoo; sa palagay nila ay hindi makakilatis ang mga bata kung ano ang tama at mali o makapagsuri kung ano ang tama para sa kanilang mga sarili. Kaya, bago pa man umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, madalas na nagsasabi ang mga magulang ng mga bagay na kahit sila mismo ay walang gaanong kumpiyansa para mailigaw ang kanilang mga anak at gawing manhid ang mga batang puso ng mga ito, pinipilit ang kanilang mga anak, nang kusang-loob o hindi, na sumunod sa kanilang mga pagsasaayos nang walang anumang pagpipilian. Marami pang mga magulang, pagdating sa edukasyon, sa pagkikintal ng mga ideya, at sa ilang bagay na hinihingi nilang gawin ng kanilang mga anak, ang madalas na nagbibigay-katwiran sa kanilang sarili, sinasabi ang kahit anong gusto nila. Dagdag pa rito, karaniwan na 99.9 porsyento ng mga magulang ang hindi gumagamit ng mga tama at positibong pamamaraan sa paggabay ng kanilang mga anak sa kung paano gawin at unawain ang lahat ng bagay. Sa halip, pilit nilang ikinikintal ang sarili nilang mga kagustuhan lamang at ang mga bagay na sa tingin nila ay mabuti para sa kanilang mga anak at pinipilit ang kanilang mga anak na tanggapin ito. Siyempre, 99.9 porsyento ng mga bagay na tinatanggap ng mga anak, bukod sa hindi umaayon sa katotohanan, ay hindi rin ang mga kaisipan at pananaw na dapat taglayin ng mga tao. Kasabay nito, hindi rin tumutugma ang mga ito sa mga pangangailangan ng pagkatao ng mga bata sa ganitong edad. Halimbawa, ang ilang lima o anim na taong gulang na mga bata ay naglalaro ng mga manika, tumatalon sa lubid, o nanonood ng mga cartoon. Hindi ba’t normal lang ito? Ano ang tanging responsabilidad ng mga magulang sa ganitong sitwasyon? Para pangasiwaan, kontrolahin, bigyan ng positibong gabay, tulungan ang kanilang mga anak na huwag tumanggap ng mga negatibong bagay sa panahong ito, at hayaan silang tanggapin ang mga positibong bagay na dapat tanggapin ng mga nasa ganitong edad. Halimbawa, sa ganitong edad, dapat silang matutong makisama sa ibang mga bata, mahalin ang kanilang pamilya, at mahalin ang kanilang ina at ama. Dapat turuan sila ng mga magulang nang mas mabuti, ipaunawa sa kanila na ang tao ay nagmumula sa Diyos, na dapat silang maging mabubuting anak, at matutong makinig sa mga salita ng Diyos, at magdasal kapag sila ay problemado o nag-aalinlangang sumunod, at ng iba pang positibong aspekto ng edukasyon—ang iba ay tungkol sa pagtugon sa kanilang mga pambatang hilig. Halimbawa, hindi dapat sisihin ang mga bata kung nais nilang manood ng mga cartoon at maglaro ng mga manika. May ilang magulang na nakakakita sa kanilang lima o anim na taong gulang na anak na nanonood ng mga cartoon at naglalaro ng mga manika, at pinapagalitan ang mga ito: “Wala kang silbi! Hindi ka tumutuon sa pag-aaral o sa paggawa ng wastong trabaho sa ganitong edad. Ano ba ang silbi ng panonood ng mga cartoon? Puro daga at pusa lang naman iyan, hindi ka ba makagawa ng mas mabuting bagay? Puro tungkol sa hayop ang mga cartoon na iyon, hindi ba pwedeng manood ka ng palabas na may mga tao? Kailan ka ba tatanda? Itapon mo na ang manikang iyan! Masyado ka nang matanda para maglaro ng mga manika. Napakawalang-silbi mo!” Sa palagay mo ba ay maiintindihan ng mga bata ang ibig sabihin ng mga nasa hustong gulang kapag narinig nila ito? Ano ba ang gagawin ng isang batang nasa ganitong edad kung hindi naglalaro ng mga manika o putik? Dapat ba ay gumagawa sila ng atomic bomb? Nagsusulat na ng mga code ng software? Kaya ba nila iyon? Sa edad na ito, dapat silang maglaro ng mga bagay tulad ng mga bloke, laruang sasakyan, at manika; normal lang iyon. Kapag pagod na sila sa paglalaro, dapat silang magpahinga at maging malusog at masaya. Kapag kumikilos sila nang sutil o hindi tinatablan ng katwiran, o sadyang gumagawang gulo, dapat silang turuan ng mga nasa hustong gulang: “Hindi ka nag-iisip. Hindi ganito dapat kumilos ang isang mabuting anak. Hindi ito gusto ng Diyos, at ayaw rin ni Nanay at Tatay ng ganito.” Responsabilidad ng mga magulang na payuhan ang kanilang mga anak, hindi ang gamitin ang sarili nilang mga panghustong-gulang na pamamaraan at kabatiran, kasama na ang mga pagnanais at ambisyon ng isang taong nasa hustong gulang, para ikintal o ipataw ang isang bagay sa kanilang mga anak. Anuman ang edad ng mga anak, ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang sa kanilang mga anak ay ang magbigay ng positibong gabay, edukasyon, pangangasiwa, at pagpapayo. Kapag nakikita ng mga magulang ang kanilang mga anak na nagpapakita ng mga labis-labis na kaisipan, pagkilos, at pag-uugali, dapat silang magbigay ng positibong payo at gabay para ituwid ang mga anak, ipaalam sa mga ito kung ano ang mabuti at masama, ano ang positibo at negatibo. Ito ang responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang. Sa ganitong paraan, sa ilalim ng mga tamang pamamaraan ng pagtuturo at gabay ng kanilang mga magulang, hindi namamalayang matututunan ng mga anak ang maraming bagay na hindi nila alam noon. Kaya, kapag tinatanggap ng mga tao ang maraming positibong bagay at natututunan nang kaunti ang tungkol sa tama at mali mula sa murang edad, magiging normal at malaya ang kanilang kaluluwa at pagkatao—ang kanilang kaluluwa ay hindi mapapasailalim sa anumang pinsala o pagsupil. Anuman ang kanilang pisikal na kalusugan, kahit papaano, ang isipan ay malusog at hindi baluktot, dahil lumaki sila sa isang kanais-nais na kapaligiran ng edukasyon, hindi lumaki nang nasusupil sa isang napakasamang kapaligiran. Habang lumalaki ang kanilang mga anak, ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat tuparin ng mga magulang ay ang hindi gipitin ang kanilang mga anak, gapusin ang mga ito, o pakialaman ang mga pagpapasya ng kanilang mga anak, sunod-sunod na dinadagdagan ang pasanin. Sa halip, habang lumalaki ang kanilang mga anak, anuman ang personalidad at kakayahan ng kanilang mga anak, ang responsabilidad ng mga magulang ay ang gabayan sila patungo sa isang positibo at kanais-nais na direksiyon. Kapag lumilitaw ang mga kakaiba at hindi wastong pananalita, pag-uugali, o pag-iisip sa kanilang mga anak, dapat magbigay sa tamang oras ang mga magulang ng espirituwal na payo at patnubay sa pag-uugali, at pagtutuwid. Tungkol naman sa kung handa bang mag-aral ang kanilang mga anak, gaano kahusay mag-aral ang mga ito, gaano ka-interesado sa pagkatuto ng kaalaman at mga kasanayan, at kung ano ang kayang gawin ng mga ito sa paglaki, ang mga bagay na ito ay dapat iayon sa kanilang mga likas na kaloob at kagustuhan, at sa direksyon ng kanilang mga hilig, upang bigyang-daan sila na lumaki nang malusog, malaya, at matatag sa proseso ng kanilang pagpapalaki—ito ang responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang. Bukod pa rito, ito ang saloobin na dapat taglayin ng mga magulang sa paglaki, pag-aaral, at propesyon ng kanilang mga anak, sa halip na ipilit ang sarili nilang mga pangarap, hangarin, kagustuhan, at maging mga pagnanais sa kanilang mga anak para maisakatuparan ng mga ito. Sa ganitong paraan, sa isang banda, hindi na kailangang maglaan pa ng karagdagang sakripisyo ang mga magulang; at sa kabilang banda, maaaring lumaki nang malaya ang mga anak at makakapagtamo ng mga dapat nilang matutunan mula sa tama at wastong pagtuturo ng kanilang mga magulang. Ang pinakamahalagang punto ay ang tratuhin ng mga magulang ang kanilang mga anak nang tama ayon sa mga talento, hilig, at pagkatao ng mga ito; kung tatratuhin nila ang kanilang mga anak ayon sa prinsipyo na “ang kapalaran ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos,” kung gayon, tiyak na magiging mabuti ang panghuling resulta. Ang pagtrato sa mga anak ayon sa prinsipyo na “ang kapalaran ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos” ay hindi tungkol sa pagpigil sa iyo na pangasiwaan ang iyong mga anak; dapat mo silang disiplinahin kapag kailangan silang disiplinahin, at maging mahigpit kung kinakailangan. Mahigpit man o maluwag, ang prinsipyo ng pagtrato sa mga anak ay, gaya ng kababanggit lang natin, ang pahintulutan silang sundin ang kanilang natural na paraan, magbigay ng ilang positibong gabay at tulong, at pagkatapos, ayon sa mga aktuwal na sitwasyon ng mga anak, magbigay ng kaunting tulong at suporta pagdating sa mga kasanayan, kaalaman, o mga mapagkukunan sa abot ng iyong makakaya. Ito ang responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang, sa halip na pilitin ang kanilang mga anak na gawin ang ayaw nilang gawin, o gawin ang anumang bagay na lumalabag sa pagkatao. Sa madaling salita, ang mga ekspektasyon para sa mga anak ay hindi dapat nakabatay sa kasalukuyang kompetisyon at mga pangangailangan sa lipunan, sa mga panlipunang kalakaran o pahayag, o iba’t ibang ideya tungkol sa kung paano tratuhin ng mga tao ang kanilang mga anak sa lipunan. Higit sa lahat, dapat nakabatay ang mga ekspektasyong ito sa mga salita ng Diyos at sa prinsipyo na “ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos.” Ito ang pinakanararapat na gawin ng mga tao. Tungkol sa kung magiging anong klase ng tao sa hinaharap ang mga anak ng isang tao, anong uri ng trabaho ang pipiliin nila, at kung ano ang magiging hitsura ng kanilang materyal na buhay, kaninong mga kamay nakasalalay ang mga bagay na ito? (Mga kamay ng Diyos.) Ang mga ito ay nasa mga kamay ng Diyos, hindi sa mga kamay ng mga magulang, o ng kahit sino pa man. Kung hindi kayang kontrolin ng mga magulang ang kanilang sariling kapalaran, kaya ba nilang kontrolin ang kapalaran ng kanilang mga anak? Kung hindi kayang kontrolin ng mga tao ang kanilang sariling kapalaran, kaya ba ng kanilang mga magulang na kontrolin ito? Kaya, bilang mga magulang, hindi dapat gumawa ang mga tao ng mga kahangalan pagdating sa pangangasiwa sa pag-aaral at propesyon ng kanilang mga anak. Dapat nilang tratuhin ang kanilang mga anak sa matinong paraan, hindi gawing mga pasanin para sa kanilang mga anak ang kanilang sariling mga ekspektasyon; hindi gawing mga pasanin para sa kanilang mga anak ang kanilang sariling mga sakripisyo, gastos, at paghihirap; at hindi gawing parang purgatoryo para sa kanilang mga anak ang pamilya. Isa itong katunayan na kailangang maunawaan ng mga magulang. Maaaring itatanong ng ilan sa inyo na, “Anong uri ng relasyon, kung gayon, ang dapat mayroon ang mga anak sa kanilang mga magulang? Dapat ba nilang ituring ang mga magulang nila bilang mga kaibigan, katrabaho, o panatilihin ang isang nakatatanda-nakababatang relasyon?” Maaari mo itong pangasiwaan ayon sa tingin mo na naaangkop. Hayaan ang mga anak na pumili kung ano ang gusto nila at gawin mo ang sa tingin mo ay pinakamabuti. Ang lahat ng ito ay maliliit na bagay lamang.
Paano dapat pangasiwaan ng mga anak ang mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang? Kung makatagpo ka ng mga magulang na emosyonal na ginigipit ang kanilang mga anak, kung makatagpo ka ng mga ganitong hindi makatwiran at demonyong magulang, ano ang gagawin mo? (Hihinto ako sa pakikinig sa kanilang mga turo; titingnan ko ang mga bagay-bagay ayon sa salita ng Diyos.) Sa isang aspekto, dapat mong maintindihan na ang kanilang mga pamamaraan sa edukasyon, pagdating sa mga prinsipyo, ay mali, at ang paraan ng kanilang pagtrato sa iyo ay nakasasama sa iyong pagkatao at nagkakait din sa iyo ng iyong mga karapatang pantao. Sa isa pang aspekto, dapat mong paniwalaan na ang kapalaran ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung ano ang gusto mong pag-aralan, kung saan ka magaling, o kung ano ang kayang matamo ng iyong kakayahan bilang tao—ang lahat ng ito ay pauna nang itinakda ng Diyos, at walang sinumang makapagpapabago nito. Bagamat ipinanganak ka ng iyong mga magulang, hindi rin nila kayang baguhin ang alinman sa mga bagay na ito. Kaya, anuman ang hinihingi ng iyong mga magulang na gawin mo, kung isa itong bagay na hindi mo kayang gawin, hindi matamo, o na ayaw mong gawin, maaari kang tumanggi. Maaari ka ring mangatwiran sa kanila at pagkatapos ay bumawi rito sa iba pang aspekto, para mabawasan ang kanilang pag-aalala tungkol sa iyo. Sinasabi mo: “Kalma lang; nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ng mga tao. Talagang hindi ako tatahak sa maling landas; tiyak na tatahakin ko ang tamang landas. Sa gabay ng Diyos, siguradong magiging isa akong tunay na tao, isang mabuting tao. Hindi ko bibiguin ang inyong mga ekspektasyon sa akin, hindi ko rin kakalimutan ang inyong kabutihan sa pagpapalaki sa akin.” Ano ang magiging reaksiyon ng mga magulang matapos marinig ang mga salitang ito? Kung ang mga magulang ay mga walang pananampalataya o nabibilang sa mga diyablo, magagalit sila nang husto. Dahil kapag sinasabi mong, “Hindi ko kakalimutan ang inyong kabutihan sa pagpapalaki sa akin at hindi ko kayo bibiguin,” mga walang kabuluhang salita lamang ang mga ito. Naisakatuparan mo ba ito? Ginawa mo ba ang hinihiling nila? Nagagawa mo bang mamukod-tangi sa iyong mga kasamahan? Kaya mo bang maging isang opisyal na may mataas na ranggo o magpayaman para makapamuhay sila nang maginhawa? Matutulungan mo ba silang makamit ang mga materyal na benepisyo? (Hindi.) Hindi ito batid; ang lahat ng ito ay walang katiyakan. Sila man ay galit, masaya, o tahimik na nagtitiis, ano dapat ang saloobing mayroon ka? Ang mga tao ay pumarito sa mundo upang tuparin ang misyon na ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos. Ang mga tao ay hindi dapat mamuhay para lang matugunan ang mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang, para pasayahin ang mga ito, para maghatid ng kaluwalhatian sa mga ito, o para magkaroon ang mga ito ng prestihiyosong buhay sa harap ng iba. Hindi mo ito responsabilidad. Pinalaki ka nila; anuman ang halaga nito, ginawa nila ito nang buong kusa. Responsabilidad at obligasyon nila na palakihin ka. Kung gaano karaming ekspektasyon ang kanilang ipinatong sa iyo, kung gaano sila nagdusa dahil sa mga ekspektasyong ito, kung gaano karaming pera ang ginastos nila, kung gaano karaming tao ang tumanggi at nangmaliit sa kanila, at kung gaano sila nagsakripisyo, lahat ng iyon ay kusa nilang ginawa. Hindi mo hiningi iyon; hindi mo iyon ipinagawa sa kanila, at hindi rin iyon ipinagawa ng Diyos. Mayroon silang kanilang sariling mga motibo sa paggawa nito. Sa pananaw nila, ginawa lamang nila ito para sa kanilang sarili. Sa panlabas, ito ay para magkaroon ka ng magandang buhay at magandang kinabukasan, ngunit sa katunayan, ito ay para magdala ng kaluwalhatian sa kanila at para hindi sila mapahiya. Samakatuwid, hindi ka obligadong suklian sila, o tuparin ang kanilang mga kahilingan at mga ekspektasyon sa iyo. Bakit wala kang ganitong obligasyon? Dahil hindi ito ang ipinagagawa sa iyo ng Diyos; hindi ito isang obligasyon na ibinigay Niya sa iyo. Ang responsabilidad mo sa kanila ay ang gawin ang dapat gawin ng mga anak kapag kailangan ka nila, ginagawa ang iyong makakaya para tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang anak. Kahit na sila ang mga nagsilang at nagpalaki sa iyo, ang mga responsabilidad mo sa kanila ay ang maglaba, magluto, at maglinis lamang kapag kinakailangan ka nila para maglingkod, at ang samahan sila sa tabi ng kanilang kama kapag sila ay may sakit. Iyon lang. Hindi ka obligadong gawin ang anumang sabihin nila, at hindi ka rin obligadong maging alipin nila. Bukod pa rito, hindi ka obligadong isakatuparan ang kanilang mga hindi natupad na pangarap, tama ba? (Tama.)
Mayroon pang isang aspekto ng mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak, at ito ay ang magmana sa negosyo ng pamilya o kalakalan ng mga ninuno. Halimbawa, ang ilang pamilya ay mga pamilya ng mga pintor; ang patakarang ipinasa mula sa kanilang mga ninuno ay dapat na mayroong isang tao sa bawat henerasyon na magmamana ng negosyong ito ng pamilya at magpapatuloy sa tradisyon ng pamilya. Sabihin natin na, sa iyong henerasyon, napunta sa iyo ang papel na ito, pero ayaw mo sa pagpipinta at wala kang hilig dito; mas gusto mong mag-aral ng mga mas simpleng paksa. Sa gayong sitwasyon, may karapatan kang tumanggi. Hindi ka obligadong manahin ang mga tradisyon ng iyong pamilya, at wala ka ring obligasyon na manahin ang negosyo ng pamilya o ang kalakalan ng mga ninuno, tulad ng martial arts, isang partikular na kagalingan o kasanayan, at iba pa. Hindi ka obligadong ipagpatuloy ang hinihiling nila sa iyo na manahin. Sa ibang pamilya, ang bawat henerasyon ay kumakanta ng opera. Sa iyong henerasyon, hinihikayat ka ng iyong mga magulang na matutong kumanta ng opera mula pa sa murang edad. Natutunan mo nga ito, pero sa kaibuturan ng iyong puso, hindi mo ito gusto. Kaya, kung papipiliin ka ng isang propesyon, talagang hindi ka lalahok sa anumang propesyon na may kaugnayan sa opera. Hindi mo gusto ang propesyong ito mula sa kaibuturan ng iyong puso; sa ganoong kaso, may karapatan kang tumanggi. Dahil ang iyong kapalaran ay wala sa mga kamay ng iyong mga magulang—ang gusto mong propesyon, ang mga pinagtutuunan mo ng hilig, kung ano ang gusto mong gawin, at kung anong uri ng landas ang gusto mong tahakin, ay lahat nasa mga kamay ng Diyos. Lahat ng ito ay pinapatnugutan ng Diyos, hindi ng sinumang miyembro ng iyong pamilya at lalong hindi ng iyong mga magulang. Ang papel na ginagampanan ng mga magulang sa buhay ng sinumang anak ay ang maging tagapag-alaga, mag-aruga, at maging kasama lamang habang lumalaki ang anak. Sa mas mabubuting kaso, nakakapagbigay ang mga magulang ng positibong patnubay, edukasyon, at direksiyon sa kanilang mga anak. Ito lamang ang papel na maaari nilang gampanan. Sa sandaling lumaki ka na at matutong magsarili, ang papel ng iyong mga magulang ay ang maging isang emosyonal na sandigan at tagasuporta lamang. Ang araw na nakapagsasarili ka na sa pag-iisip at pamumuhay ay ang araw na natupad na ang mga responsabilidad at obligasyon sa iyo ng iyong mga magulang; ang iyong relasyon sa kanila ay nagbago na mula sa pagiging guro at estudyante, tagapangalaga at inaalagaan. Hindi ba’t ganito talaga ito? (Oo.) Ang magulang, kamag-anak, at kaibigan ng ilang tao ay hindi nananampalataya sa Diyos; sila lang mismo ang nananampalataya sa Diyos. Ano ang nangyayari dito? Ito ay may kinalaman sa pag-oorden ng Diyos. Hinirang ka ng Diyos, hindi sila; ginagamit ng Diyos ang kanilang mga kamay para palakihin ka hanggang sa hustong gulang at pagkatapos ay dinadala ka sa pamilya ng Diyos. Bilang isang anak, ang saloobing dapat mong panghawakan ukol sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang ay ang kilatisin kung ano ang tama at mali. Kung ang pagtrato nila sa iyo ay hindi naaayon sa mga salita ng Diyos o sa katunayan na “ang kapalaran ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos,” maaari mong tanggihan ang kanilang mga ekspektasyon at mangatwiran sa iyong mga magulang para maintindihan nila. Kung ikaw ay isang menor de edad pa at pilit ka nilang sinusupil, ipinapagawa sa iyo ang hinihingi nila, maaari ka lamang manalangin nang tahimik sa Diyos at hayaan Siyang magbukas ng daan para sa iyo. Ngunit kung ikaw ay nasa hustong gulang na, talagang maaari mong sabihin sa kanila: “Hindi, hindi ko kailangang mamuhay ayon sa paraan na itinakda mo para sa akin. Hindi ko kailangang piliin ang aking landas sa buhay, ang aking paraan ng pag-iral, at ang aking layon ng paghahangad ayon sa paraan na itinakda mo para sa akin. Natupad na ang inyong obligasyon na palakihin ako. Kung magkakasundo tayo at magkakaroon ng mga parehong paghahangad at layon, maaaring manatili ang ating relasyon gaya ng dati; ngunit kung hindi na tayo pareho ng mga adhikain at layon, maaari na lang tayong magpaalam sa isa’t isa sa ngayon.” Ano sa tingin mo? Maglalakas-loob ka bang sabihin ito? Siyempre, hindi naman kailangang pormal na putulin ang ugnayan ninyo ng iyong mga magulang sa ganitong paraan, ngunit kahit papaano, sa kaibuturan ng iyong puso, dapat mong malinaw na makita ang puntong ito: Bagamat ang iyong mga magulang ang mga taong pinakamalapit sa iyo, hindi sila ang tunay na nagbigay sa iyo ng buhay, ang nagbigay-daan sa iyo na tahakin ang tamang landas sa buhay, at ang nagpaunawa sa iyo sa lahat ng prinsipyo ng pag-asal. Ito ay ang Diyos. Hindi ka kayang bigyan ng iyong mga magulang ng katotohanan o ng anumang tamang payo na may kinalaman sa katotohanan. Kaya, pagdating sa relasyon mo sa iyong mga magulang, gaano man kalaki ang naipuhunan nila sa iyo, o gaano man karaming pera at pagsisikap ang naigugol nila sa iyo, hindi mo kailangang pasanin ang anumang pakiramdam ng pagkakonsensiya. Bakit? (Dahil ito ang responsabilidad at obligasyon ng mga magulang. Kung ginagawa ng mga magulang ang lahat ng ito para mamukod-tangi ang kanilang mga anak sa mga kasamahan ng mga ito at alang-alang sa pagtupad sa mga sariling kahilingan ng mga magulang, ang mga ito ay mga sarili nilang intensiyon at motibo; hindi ito ang inorden ng Diyos na gawin nila. Kaya, hindi kailangang makonsensiya.) Ito ay isang aspekto lamang. Ang isa pang aspekto ay na kasalukuyan mong tinatahak ang tamang landas, hinahangad mo ang katotohanan, at humaharap ka sa Lumikha para gampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha; samakatuwid, hindi ka dapat makaramdam ng pagkakonsensiya sa kanila. Ang responsabilidad sa iyo na sa tingin nila ay natupad na ay bahagi lamang ng mga pagsasaayos ng Diyos. Kung masaya ka sa panahong pinalaki ka nila, iyon ay espesyal na pabor para sa iyo. Kung hindi ka masaya, siyempre, iyon ay pagsasaayos din ng Diyos. Dapat kang magpasalamat na pinahintulutan ka ngayon ng Diyos na lumisan at na makita nang malinaw ang diwa ng iyong mga magulang at kung anong klaseng mga tao sila. Dapat kang magkaroon ng tumpak na pagkaunawa sa lahat ng ito mula sa kaibuturan ng iyong puso, pati na rin ng tumpak na solusyon at paraan sa pagharap dito. Sa ganitong paraan, hindi ba’t mas nagiging mahinahon ka sa kaibuturan? (Oo.) Kung mas matiwasay ang pakiramdam mo, maganda iyon. Ano’t anuman, sa mga usaping ito, anuman ang mga hinihingi ng iyong mga magulang sa iyo noon o ngayon, dahil nauunawaan mo na ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos, at dahil nauunawaan mo kung ano ang hinihingi ng Diyos na dapat gawin ng mga tao—pati na rin kung ano ang mga kahihinatnang idinudulot sa iyo ng mga ekspektasyon ng iyong mga magulang—hindi ka na dapat mabigatan tungkol sa usaping ito sa anumang paraan. Hindi mo kailangang maramdaman na binigo mo ang iyong mga magulang, o maramdaman na dahil pinili mong manampalataya sa Diyos at gampanan ang iyong mga tungkulin, nabigo kang magbigay ng mas magandang buhay sa iyong mga magulang at nabigo kang samahan sila at tuparin ang responsabilidad ng pagiging mabuting anak sa kanila, na nagparamdam sa kanila ng emosyonal na kahungkagan. Hindi mo kailangang makonsensiya tungkol dito. Ang mga ito ang mga pasanin na idinudulot ng mga magulang sa kanilang mga anak, at pawang mga bagay na dapat mong bitiwan. Kung tunay kang nananalig na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, dapat kang manalig na nasa mga kamay rin ng Diyos ang isyu ng kung gaano katinding hirap ang kanilang dinaranas at kung gaano sila kasaya sa buong buhay nila. Mabuting anak ka man o hindi, hindi nito mababago ang anumang bagay—hindi mababawasan ang pagdurusa ng iyong mga magulang dahil ikaw ay mabuting anak, at hindi sila higit na magdurusa dahil hindi ka mabuting anak. Matagal nang inorden ng Diyos ang kanilang kapalaran, at wala rito ang magbabago dahil sa iyong saloobin sa kanila o sa lalim ng damdamin sa pagitan ninyo. Mayroon silang sarili nilang kapalaran. Sila man ay mahirap o mayaman sa kanilang buong buhay, nagiging maayos man ang takbo ng mga bagay-bagay para sa kanila, o anumang uri ng kalidad ng buhay, mga materyal na benepisyo, katayuan sa lipunan, at kalagayan sa pamumuhay ang tinatamasa nila, wala rito ang may gaanong kinalaman sa iyo. Kung nakokonsensiya ka sa kanila, kung pakiramdam mo ay may utang ka sa kanila, at na dapat kang nasa tabi nila, ano ang magbabago kahit na nasa tabi ka pa nila? (Wala namang magbabago.) Maaaring malinis at malaya ang iyong konsensiya. Ngunit kapag nasa tabi ka nila araw-araw, nakikita sila na hindi nananampalataya sa Diyos, naghahangad ng mga makamundong bagay, at nakikilahok sa mga walang kuwentang pag-uusap at tsismis, ano ang mararamdaman mo? Magiging komportable ka ba sa puso mo? (Hindi.) Mababago mo ba sila? Maliligtas mo ba sila? (Hindi.) Kung magkakasakit sila, at mayroon kang kakayahang alagaan sila sa tabi ng kanilang kama at ibsan nang kaunti ang kanilang pagdurusa, binibigyan sila ng kaunting ginhawa bilang kanilang anak, sa sandaling gumaling sila, makakaramdam din sila ng pisikal na kaginhawahan. Ngunit kung babanggitin mo ang isang bagay tungkol sa pananampalataya sa Diyos, maaari ka nilang sagutin ng walo o sampung kontra-argumento, bumibigkas ng mga maling paniniwala na sobrang kasuklam-suklam para pagsasawaan mo sa dalawang habang buhay. Sa panlabas, maaaring mapayapa ang iyong konsensiya, at maaaring nararamdaman mo na hindi naging walang saysay ang pagpapalaki nila sa iyo, na hindi ka isang walang malasakit na walang utang na loob, at na hindi mo binigyan ang iyong mga kapitbahay ng anumang bagay na pagtatawanan. Ngunit dahil lamang sa mapayapa ang iyong konsensiya, ibig bang sabihin niyon ay tunay mong tinatanggap ang kanilang iba’t ibang ideya, pananaw, perspektiba sa buhay, at mga paraan ng pamumuhay mula sa kaibuturan ng iyong puso? Tunay ba kayong magkatugma? (Hindi.) Ang dalawang uri ng mga tao na tumatahak sa magkaibang landas at may magkaibang pananaw, sa kabila ng anumang pisikal o emosyonal na ugnayan o koneksiyon na mayroon sila, hindi nila mababago ang pananaw ng kahit aling panig. Ayos lang kung hindi magkasamang tinatalakay ng magkabilang panig ang mga bagay-bagay, ngunit sa sandaling pinag-uusapan nila ang mga bagay-bagay, nagsisimula silang magtalo, lumilitaw ang mga alitan, at kamumuhian nila ang isa’t isa at magsasawa sa isa’t isa. Bagamat sa panlabas ay magkadugo sila, sa loob-loob ay magkaaway sila, dalawang uri ng mga tao na hindi magkasundo gaya ng tubig at apoy. Sa ganoong lagay, kung nananatili ka pa rin sa tabi nila, para saan mo ba ito ginagawa? Naghahanap ka lang ba ng isang bagay na ikasasama ng loob mo, o may iba pang dahilan? Sa tuwing magkikita kayo, makakaramdam ka ng pagsisisi, at ito ay tinatawag na pagpapahirap sa sarili. Iniisip ng ilang tao na: “Matagal na panahon na mula nang huli kong makita ang aking mga magulang. Noon, may mga ginawa silang kasuklam-suklam na bagay, nilalapastangan ang Diyos at sinasalungat ang aking pananampalataya sa Diyos. Mas matanda na sila ngayon; tiyak na nagbago na sila. Kaya, hindi ko na dapat masyadong pagtuunan ng pansin ang masasamang bagay na ginawa nila; sabagay, halos nakalimutan na rin ang lahat ng iyon. Dagdag pa rito, kapwa sa emosyonal na antas at dahil sa pagkakonsensiya, nangungulila ako sa kanila, at napapaisip ako kung kamusta na sila. Kaya, sa tingin ko ay uuwi ako para kumustahin sila.” Subalit, sa loob ng isang araw ng pag-uwi, muling umusbong ang pagkasuklam na naramdaman mo sa kanila noon, at pinagsisihan mo ito: “Ito ba ang tinatawag na pamilya? Ito ba ang mga magulang ko? Hindi ba’t mga kaaway sila? Ganoon na sila dati, at ganoon pa rin ang kanilang katangian ngayon; wala silang ipinagbago kahit kaunti!” Paano nga naman sila magbabago? Kung ano sila dati, palagi silang magiging ganoon. Inakala mo ba na magbabago sila habang sila ay tumatanda at na maaari kayong magkasundo? Hindi mo sila makakasundo. Sa sandaling pumasok ka sa bahay pag-uwi mo, agad nilang titingnan kung ano ang dala mo sa iyong mga kamay, para malaman kung ito ba ay isang mamahaling bagay tulad ng abalone, sea cucumber, shark fin, o fish maw, o marahil isang designer bag at mga damit, o ginto at pilak na alahas. Sa sandaling makita ka nilang may dalang dalawang plastic bag, ang isa ay may siopao at ang isa naman ay may isang pares ng saging, makikita nila na mahirap ka pa rin at magsisimula silang mamuna: “Ang anak na babae ni ganito at ganyan ay nangibang-bansa at nakapangasawa ng dayuhan. Ang mga pulseras na binibili nito para sa kanila ay purong ginto at ipinagmamayabang nila ito sa tuwing may pagkakataon. Ang anak na lalaki ni ganito at ganyan ay bumili ng kotse at dinadala niya ang kanyang mga magulang sa mga paglalakbay sa ibang bansa sa tuwing libre ang oras niya. Pinagsasaluhan nilang lahat ang tagumpay ng kanilang mga anak! Ang anak ni ganito at ganyan ay hindi kailanman umuuwi nang walang dala. Bumibili ito ng mga foot bath at massage chair para sa kaniyang mga magulang, at ang mga damit na binibili nito ay gawa sa seda o lana. Mayroon silang mga napakabuting anak; hindi nasayang ang lahat ng kanilang pag-aaruga! Samantalang kami ay pawang mga walang malasakit na ingrata ang napalaki namin sa pamilyang ito!” Hindi ba’t isa itong sampal sa mukha? (Oo.) Hindi man lang nila pinahahalagahan ang iyong mga dalang siopao at saging, at iniisip mo pa rin na tuparin ang iyong mga responsabilidad at maging mabuting anak sa kanila. Mahilig sa siopao at saging ang iyong mga magulang at matagal mo na silang hindi nakikita, kaya’t binibili mo ang mga ito para mapasaya sila at makabawi sa iyong pagkakonsensiya. Ngunit sa pag-uwi mo, bukod sa hindi naibsan ang iyong pagkakonsensiya, dumaranas ka rin ng pamimintas; sa sobrang kalungkutan, tumakbo ka palabas ng bahay. May kabuluhan ba ang pag-uwi mo para bisitahin ang iyong mga magulang? (Wala.) Napakatagal mo nang hindi nakauwi, pero hindi sila nangungulila sa iyo; hindi nila sinasabi na: “Sapat na ang umuwi ka lang. Hindi mo kailangang bumili ng anuman. Magandang makita na nasa tamang landas ka, namumuhay nang malusog, at ligtas sa lahat ng aspekto. Sapat na ang makita natin ang isa’t isa at magkaroon ng taos-pusong pag-uusap.” Hindi nila iniisip kung naging maayos ka ba nitong mga nagdaang taon, o kung nakaranas ka ba ng anumang paghihirap o mga nakakabagabag na bagay kung saan kinakailangan mo ang tulong ng iyong mga magulang. Wala silang ibinibigay na kahit isang salitang nakakapag-palubag loob. Pero kung talagang sasabihin nila ang mga gayong bagay, hindi ba’t hindi mo na magagawang umalis kung gayon? Pagkatapos ka nilang pagalitan, tumitindig ka at nararamdaman mong ganap kang makatwiran, nang walang anumang pagkakonsensiya, iniisip mo na: “Kailangan kong makaalis dito, talagang isa itong purgatoryo! Babalatan nila ako, kakainin ang aking laman, at gugustuhin pa nilang inumin ang aking dugo.” Ang relasyon ng magulang at anak ay ang pinakamahirap na relasyon na pangangasiwaan ng isang tao sa emosyonal na aspekto, ngunit sa katunayan, hindi naman ito lubusang hindi mapangasiwaan. Tanging sa batayan ng pag-unawa sa katotohanan magagawang tratuhin ng mga tao ang usaping ito nang tama at may katwiran. Huwag magsimula mula sa perspektiba ng mga damdamin, at huwag magsimula mula sa mga kabatiran o perspektiba ng mga makamundong tao. Sa halip, tratuhin mo ang iyong mga magulang sa wastong paraan ayon sa mga salita ng Diyos. Ano ba talaga ang papel na ginagampanan ng mga magulang, ano ba talaga ang kabuluhan ng mga anak sa kanilang mga magulang, ano ang saloobin na dapat taglayin ng mga anak sa kanilang mga magulang, at paano dapat pangasiwaan at lutasin ng mga tao ang relasyon sa pagitan ng mga magulang at mga anak? Hindi dapat tingnan ng mga tao ang mga bagay na ito batay sa mga damdamin, at hindi sila dapat maimpluwensiyahan ng anumang maling ideya o mga nananaig na sentimyento; dapat harapin ang mga ito nang tama batay sa mga salita ng Diyos. Kung mabibigo kang tuparin ang alinman sa iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang sa kapaligirang inorden ng Diyos, o kung wala kang anumang papel sa kanilang buhay, iyon ba ay pagiging hindi mabuting anak? Uusigin ka ba ng iyong konsensiya? Tutuligsain ka ng iyong mga kapitbahay, kaklase, at kamag-anak at babatikusin ka kapag nakatalikod. Tatawagin ka nilang isang hindi mabuting anak, at sasabihing: “Labis na nagsakripisyo ang iyong mga magulang para sa iyo, naglaan sila ng puspusang pagsisikap para sa iyo, at napakarami ng ginawa nila para sa iyo mula pa noong bata ka, at ikaw na walang utang na loob na anak ay bigla na lang mawawala na parang bula, wala ka man lang pasabi na ligtas ka. Bukod sa hindi ka umuuwi sa Bagong Taon, hindi ka rin tumatawag o naghahatid ng pagbati para sa iyong mga magulang.” Tuwing naririnig mo ang mga ganitong salita, nagdurugo at umiiyak ang iyong konsensiya, at pakiramdam mo ay kinondena ka. “Naku, tama nga sila.” Namumula ang iyong mukha sa init, at kumikirot ang iyong puso na parang tinutusok ng mga karayom. Nagkaroon ka na ba ng mga ganitong damdamin? (Oo, dati.) Tama ba ang iyong mga kapitbahay at kamag-anak sa pagsasabing hindi ka isang mabuting anak? (Hindi. Hindi ako hindi masamang anak.) Ipaliwanag mo ang iyong pangangatwiran. (Bagamat wala ako sa tabi ng mga magulang ko sa mga taong ito, o hindi ko man natugunan ang mga kahilingan nila gaya ng ginagawa ng mga makamundong tao, ang pagtahak namin sa landas ng pananampalataya sa Diyos ay pauna nang inorden ng Diyos. Ito ang tamang landas sa buhay, at isang makatarungang bagay. Kaya sinasabi ko na hindi ako masamang anak.) Ang pangangatwiran ninyo ay batay pa rin sa mga doktrina na nauunawaan ng mga tao sa nakaraan; wala kayong tunay na paliwanag at tunay na pag-unawa. Sino pa ang gustong magbahagi ng kanyang mga saloobin? (Naalala ko noong unang beses akong mangibang-bansa, sa tuwing naiisip ko kung paanong hindi alam ng aking pamilya kung ano ang ginagawa ko sa ibang bansa, kung paanong malamang ay pinuna nila ako at sinabing hindi ako mabuting anak, na masama akong anak dahil wala ako roon para alagaan ang aking mga magulang—pakiramdam ko ay nakagapos at napipigilan ako ng mga saloobing ito. Sa tuwing iniisip ko ito, pakiramdam ko ay may utang ako sa aking mga magulang. Ngunit sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Diyos ngayon, nararamdaman ko na ang pag-aaruga ng mga magulang ko sa akin noon ay ang kanilang pagtupad sa kanilang mga responsabilidad bilang mga magulang, na ang kanilang kabutihan sa akin ay pauna nang itinakda ng Diyos, at na dapat kong pasalamatan ang Diyos at suklian ang Kanyang pagmamahal. Ngayong nananampalataya ako sa Diyos at tumatahak sa tamang landas sa buhay, na isang makatarungang bagay, hindi ako dapat makaramdam ng pagkakautang sa aking mga magulang. At saka, matatamasa man ng aking mga magulang ang pag-aalaga ng kanilang mga anak sa kanilang tabi o hindi ay pauna na ring itinakda ng Diyos. Pagkatapos kong maunawaan ang mga bagay na ito, medyo nabibitiwan ko na ang pakiramdam ng pagkakautang sa loob ng puso ko.) Mabuti iyan. Una sa lahat, pinipili ng karamihan sa mga tao na umalis ng bahay para gampanan ang kanilang mga tungkulin dahil parte ito ng pangkalahatang mga obhetibong sitwasyon, kung saan kakailanganin nilang iwan ang kanilang mga magulang; hindi sila maaaring manatili sa tabi ng kanilang mga magulang para alagaan at samahan ang mga ito. Hindi naman sa kusang-loob nilang iiwan ang kanilang mga magulang; ito ang obhetibong dahilan. Sa isa pang banda, ayon sa pansariling pananaw, lumalabas ka para gampanan ang iyong mga tungkulin hindi dahil sa gusto mong iwan ang iyong mga magulang at takasan ang iyong mga responsabilidad, kundi dahil sa misyon ng Diyos. Upang makipagtulungan sa gawain ng Diyos, tanggapin mo ang Kanyang misyon, at gampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha, wala kang magagawa kundi ang iwan ang iyong mga magulang; hindi ka maaaring manatili sa kanilang tabi para samahan at alagaan sila. Hindi mo sila iniwan para makaiwas sa mga responsabilidad, hindi ba? Ang pag-iwan sa kanila para makaiwas sa iyong mga responsabilidad at ang pangangailangang iwan sila para tugunan ang misyon ng Diyos at gampanan ang iyong mga tungkulin—hindi ba’t magkaiba ang kalikasan ng mga ito? (Oo.) Sa puso mo, mayroon ka ngang emosyonal na koneksiyon at mga saloobin para sa iyong mga magulang; hindi walang kabuluhan ang iyong mga damdamin. Kung pahihintulutan ng mga obhetibong sitwasyon, at nagagawa mong manatili sa kanilang tabi habang ginagampanan din ang iyong mga tungkulin, kung gayon, kusang-loob kang mananatili sa kanilang tabi, palagi silang aalagaan, at tutuparin ang iyong mga responsabilidad. Subalit dahil sa mga obhetibong sitwasyon, dapat mo silang iwan; hindi ka maaaring manatili sa tabi nila. Hindi naman sa ayaw mong tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang kanilang anak, kundi dahil hindi mo lang ito magawa. Hindi ba’t iba ang kalikasan nito? (Oo.) Kung iniwan mo ang tahanan para iwasan ang pagiging mabuting anak at pagtupad sa iyong mga responsabilidad, iyon ay pagiging masamang anak at kawalan ng pagkatao. Pinalaki ka ng iyong mga magulang, pero hindi ka makapaghintay na ibuka ang iyong mga pakpak at agad na umalis nang mag-isa. Ayaw mong makita ang iyong mga magulang, at wala kang pakialam kapag nabalitaan mo ang pagdanas nila ng kaunting hirap. Kahit na may kakayahan kang tumulong, hindi mo ginagawa; nagpapanggap ka lang na walang narinig at hinahayaan ang iba na sabihin ang kung ano-anong gusto nila tungkol sa iyo—sadyang ayaw mo lang tuparin ang iyong mga responsabilidad. Ito ay pagiging hindi mabuting anak. Ngunit ganito pa ba ang nangyayari ngayon? (Hindi.) Maraming tao ang umalis na sa kanilang bayan, lungsod, probinsiya, o maging sa kanilang bansa para magampanan ang kanilang mga tungkulin; malayo na sila sa kanilang lugar na kinalakhan. Dagdag pa rito, hindi madali para sa kanila na makipag-ugnayan sa kanilang pamilya sa iba’t ibang kadahilanan. Paminsan-minsan, tinatanong nila ang tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng kanilang mga magulang mula sa mga taong galing sa parehong lugar na kinalakhan nila at nakakahinga sila nang maluwag kapag nababalitaan nilang malusog pa rin ang kanilang mga magulang at maayos pa rin na nakakaraos. Sa katunayan, hindi ka masamang anak; hindi ka pa umabot sa punto ng kawalan ng pagkatao, kung saan ni ayaw mo nang alalahanin ang iyong mga magulang o tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. Dahil sa iba’t ibang obhetibong dahilan kaya mo kinakailangang gawin ang ganitong pasya, kaya hindi ka masamang anak. Ito ang dalawang dahilan. At may isa pa: Kung ang iyong mga magulang ay hindi ang uri ng mga taong partikular na umuusig sa iyo o humahadlang sa iyong pananampalataya sa Diyos, kung sinusuportahan nila ang iyong pananampalataya sa Diyos, o kung sila ay mga kapatid na nananampalataya sa Diyos tulad mo, mga miyembro mismo ng sambahayan ng Diyos, kung gayon, sino sa inyo ang hindi tahimik na nagdarasal sa Diyos kapag iniisip ang iyong mga magulang sa kaloob-looban? Sino sa inyo ang hindi ipinagkakatiwala ang inyong mga magulang—kasama na ang kanilang kalusugan, kaligtasan, at lahat ng kanilang pangangailangan sa buhay—sa mga kamay ng Diyos? Ang ipagkatiwala ang iyong mga magulang sa mga kamay ng Diyos ang pinakamainam na paraan para magpakita ng pagiging mabuting anak sa kanila. Hindi mo gusto na maharap sila sa iba’t ibang klase ng suliranin sa kanilang buhay, at ayaw mo rin na mamuhay sila nang hindi komportable, hindi kumakain nang maayos, o nagdurusa sa masamang kalusugan. Sa kaibuturan ng iyong puso, talagang umaasa ka na poprotektahan sila ng Diyos at pananatilihing ligtas. Kung sila ay mga mananampalataya sa Diyos, umaasa ka na magagampanan nila ang kanilang sariling mga tungkulin at umaasa ka rin na makakapanindigan sila sa kanilang patotoo. Ito ay pagtupad sa mga responsabilidad ng tao; makakamit lamang ng mga tao ang ganito karami sa pamamagitan ng kanilang sariling pagkatao. Dagdag pa rito, ang pinakamahalaga ay na pagkatapos ng mga taon ng pananampalataya sa Diyos at pakikinig sa napakaraming katotohanan, kahit papaano, ang mga tao ay may ganitong kaunting pagkaunawa at pagkaintindi: Ang kapalaran ng tao ay itinatakda ng Langit, ang tao ay namumuhay sa mga kamay ng Diyos, at ang pagkakaroon ng pangangalaga at proteksiyon ng Diyos ay mas mahalaga kaysa sa mga alalahanin, pagiging mabuting anak, o ang samahan ka ng iyong mga anak. Hindi ba’t magaan sa pakiramdam na nasa pangangalaga at proteksiyon ng Diyos ang iyong mga magulang? Hindi mo na kailangang mag-alala para sa kanila. Kung mag-aalala ka, ibig sabihin ay wala kang tiwala sa Diyos; masyadong maliit ang iyong pananalig sa Kanya. Kung tunay kang nag-aalala at nagmamalasakit para sa iyong mga magulang, dapat kang madalas na magdasal sa Diyos, ipagkatiwala sila sa mga kamay ng Diyos, at hayaang patnugutan at isaayos ng Diyos ang lahat ng bagay. Pinamumunuan ng Diyos ang kapalaran ng sangkatauhan at Siya ang namumuno sa kanilang bawat araw at sa lahat ng pinagdaraanan nila, kaya ano pa ba ang ipinag-aalala mo? Ni hindi mo kayang kontrolin ang sarili mong buhay,[a] ikaw mismo ay may napakaraming suliranin; ano ang magagawa mo para makapamuhay nang masaya ang iyong mga magulang araw-araw? Ang tanging magagawa mo ay ipagkatiwala ang lahat ng bagay sa mga kamay ng Diyos. Kung sila ay mga mananampalataya, hilingin mo sa Diyos na gabayan sila sa tamang landas upang maligtas sila sa huli. Kung sila ay hindi mananampalataya, hayaan mo silang tumahak sa anumang landas na gusto nila. Para sa mga magulang na mas mabait at may kaunting pagkatao, maaari kang manalangin sa Diyos na pagpalain sila para makapamuhay sila nang masaya sa kanilang mga nalalabing taon. Tungkol sa kung paano gumagawa ang Diyos, mayroon Siyang Kanyang mga pagsasaayos, at dapat magpasakop ang mga tao sa mga ito. Kaya, sa kabuuan, mayroong kamalayan ang mga tao sa kanilang konsensiya tungkol sa mga responsabilidad na tinutupad nila sa kanilang mga magulang. Anuman ang saloobin sa mga magulang ang hatid ng kamalayang ito, ito man ay pag-aalala o pagpasyang pumaroon sa kanilang tabi, sa alinmang paraan, hindi dapat makonsensiya o magkaroon ng mabigat na pasanin sa konsensiya ang mga tao dahil sa hindi nila matupad ang kanilang mga responsabilidad sa kanilang mga magulang sapagkat apektado sila ng mga obhetibong sitwasyon. Ang mga isyung ito, at ang iba pang katulad nito, ay hindi dapat maging problema sa mga buhay ng pananampalataya sa Diyos ng mga tao; ang mga ito ay dapat bitiwan. Pagdating sa mga paksang ito na nauugnay sa pagtupad sa mga responsabilidad ng isang tao sa mga magulang, dapat magkaroon ang mga tao nitong mga tumpak na pagkaunawa at hindi na dapat makaramdam ng pagpipigil. Sa isang banda, mula sa kaibuturan ng iyong puso, alam mong hindi ka masamang anak, at hindi mo iniiwasan o tinatakasan ang iyong mga responsabilidad. Sa isa pang banda, nasa mga kamay ng Diyos ang iyong mga magulang, kaya ano pa ba ang dapat ikabahala? Ang anumang pag-aalala na maaaring mayroon ang isang tao ay hindi na kinakailangan. Ang bawat tao ay mamumuhay nang maayos ayon sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos hanggang sa huli, mararating ang katapusan ng kanilang landas, nang walang anumang pagkakaligaw. Kaya, hindi na dapat mag-alala ang mga tao sa tungkol sa bagay na ito. Ikaw man ay mabuting anak, natupad mo man ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang, o kung dapat mo bang suklian ang kabutihan ng iyong mga magulang—hindi ito mga bagay na dapat mong pag-isipan pa; ang mga ito ay mga bagay na dapat mong bitiwan. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.)
Tungkol sa paksa ng mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak, nagbahaginan tayo sa mga aspekto ng pag-aaral at trabaho. Ano ang mga katunayang dapat maunawaan ng mga tao sa bagay na ito? Kung makikinig ka sa iyong mga magulang at mag-aaral talaga nang mabuti ayon sa kanilang mga ekspektasyon, ibig bang sabihin niyon ay tiyak na malaki ang makakamit mong tagumpay? Mababago ba talaga ang iyong kapalaran sa paggawa nito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang naghihintay sa iyo sa hinaharap? Ito ay ang isinaayos ng Diyos para sa iyo—ang kapalaran na dapat mayroon ka, ang posisyon na dapat mong taglayin sa gitna ng mga tao, ang landas na dapat mong tahakin, at ang kapaligiran ng pamumuhay na dapat mayroon ka. Matagal nang isinaayos ng Diyos ang mga ito para sa iyo. Kaya, pagdating sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, wala ka dapat ng anumang pasanin. Kung gagawin mo ang hinihiling ng iyong mga magulang, hindi magbabago ang iyong kapalaran; kung hindi mo susundin ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang at bibiguin mo sila, hindi pa rin magbabago ang iyong kapalaran. Anuman ang nakatakdang landas na naghihintay sa iyo, iyon ang mangyayari; ito ay inorden na ng Diyos. Gayundin, kung natutugunan mo ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, napapalugod mo ang iyong mga magulang, at hindi mo sila binibigo, ibig bang sabihin niyon ay magiging mas maganda ang buhay nila? Mababago ba nito ang kanilang kapalaran ng pagdurusa at pagmamaltrato? (Hindi.) Iniisip ng ilang tao na masyadong naging mabuti sa kanila ang kanilang mga magulang sa pagpapalaki sa kanila, at na sobrang naghirap ang kanilang mga magulang sa panahong iyon. Kaya naman gusto nilang makahanap ng magandang trabaho, magtiis ng hirap, magpakapagod, magsipag, at magtrabaho nang husto upang kumita ng maraming pera at yumaman. Ang layon nila ay bigyan ang kanilang mga magulang ng masaganang buhay sa hinaharap, namumuhay sa isang villa, nagmamaneho ng magandang kotse, at kumakain at umiinom ng masasarap. Ngunit pagkatapos ng ilang taon ng pagiging masigasig, bagamat umunlad na ang kanilang kalagayan at sitwasyon sa pamumuhay, pumanaw ang kanilang mga magulang nang hindi man lang nakakaranas ng isang araw ng kasaganahan. Sino ang dapat sisihin dito? Kung hahayaan mong kusang mangyari ang mga bagay-bagay, hayaan ang Diyos na mamatnugot, at huwag dalhin ang pasaning ito, hindi ka makokonsensiya kapag pumanaw na ang iyong mga magulang. Ngunit kung kakayod ka nang husto para kumita ng pera upang masuklian ang iyong mga magulang at tulungan silang makapamuhay nang mas maginhawa, ngunit namatay sila, ano ang mararamdaman mo? Kung ipinagpaliban mo ang paggampan sa iyong tungkulin at ang pagkamit sa katotohanan, makapamumuhay ka pa rin ba nang komportable sa mga nalalabing panahon ng buhay mo? (Hindi.) Maaapektuhan ang buhay mo, at palagi mong dadalhin ang pasanin ng “pagkabigo ng iyong mga magulang” sa buong buhay mo. Ang ilang tao ay nagsusumikap para magtrabaho, nagpupursigi, at kumikita ng pera upang hindi mabigo ang kanilang mga magulang at masuklian ang mga ito sa kabutihan ng pagpapalaki sa kanila. Pagkatapos, kapag yumaman na sila at may kakayahan nang bumili ng masasarap na pagkain, inaanyayahan nila ang kanilang mga magulang na kumain at nag-oorder sila ng maraming masasarap na putahe, sinasabing: “Kain kayo. Naaalala ko noong bata pa ako, mga paborito ninyo ito; kain na!” Gayunpaman, habang tumatanda na ang kanilang mga magulang, wala na ang karamihan sa mga ngipin ng mga ito at hindi na masyadong ganadong kumain, kaya’t pinipiling kainin ng kanilang mga magulang ang mga malambot at madaling matunaw na pagkain tulad ng mga gulay at pansit, at nabubusog na sila pagkatapos ng ilang subo lamang. Nalulungkot ka kapag nakikita mo ang isang malaking mesa na puno ng mga hindi nakaing pagkain. Pero talagang maganda ang pakiramdam ng mga magulang mo. Sa ganoong matandang edad, ganito karami ang dapat nilang kainin; normal lang ito, wala na silang labis na hinihingi. Hindi ka masaya sa loob-loob mo, ngunit hindi masaya tungkol sa ano? Labis na walang kabuluhan ang ginagawa mo. Matagal nang itinakda kung gaano karaming saya at hirap ang mararanasan ng iyong mga magulang sa kanilang buhay. Hindi ito mababago dahil sa iyong kahilingan at hindi ito mababago para lang masiyahan ka. Matagal na itong inorden ng Diyos, kaya’t ang anumang ginagawa ng mga tao ay walang kabuluhan. Ano ang sinasabi ng mga katunayang ito sa mga tao? Ang dapat gawin ng mga magulang ay palakihin ka at hayaan kang lumaki nang malusog at maayos, tumahak sa tamang landas, at tuparin ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong gampanan bilang isang nilikha. Ang lahat ng ito ay hindi para baguhin ang iyong kapalaran, at hindi talaga naman nito mababago ang iyong kapalaran; nagsisilbi lamang ang mga ito bilang pandagdag na suporta at bilang patnubay, pinapalaki ka tungo sa hustong gulang at inaakay ka sa tamang landas ng buhay. Hindi mo dapat gamitin ang sarili mong mga kamay para lumikha ng kaligayahan para sa iyong mga magulang, baguhin ang kanilang kapalaran, o iparanas sa kanila ang magandang kapalaran at masarap na pagkain at inumin. Ang mga ito ay mga hangal na pag-iisip. Hindi mo dapat dalhin ang ganitong pasanin, ito ang dapat mong bitiwan. Hindi ka dapat gumawa ng mga walang kabuluhang sakripisyo o gumawa ng anumang walang kabuluhang bagay para masuklian ang iyong mga magulang, mabago ang kanilang kapalaran, at mabigyan sila ng mas maraming pagpapala at mabawasan ang kanilang mga pagdurusa, alang-alang sa pagtugon ng mga pansariling pangangailangan ng iyong konsensiya o mga damdamin, at para maiwasang biguin sila. Hindi mo ito responsabilidad, at hindi ito ang dapat mong iniisip. Dapat tuparin ng mga magulang ang mga responsabilidad nila sa kanilang mga anak ayon sa kanilang sariling mga kondisyon at ayon sa mga kondisyon at kapaligirang inihanda ng Diyos. Ang dapat gawin ng mga anak para sa kanilang mga magulang ay batay rin sa mga kondisyon na kaya nilang matamo at ayon sa kapaligirang kinaroroonan nila; iyon lang. Ang lahat ng ginagawa ng mga magulang o mga anak ay hindi dapat naglalayong baguhin ang kapalaran ng kabilang partido sa pamamagitan ng kanilang sariling kapangyarihan o mga makasariling pagnanais, upang makapamuhay nang mas maganda, mas masaya, at mas perpektong buhay ang kabilang partido dahil sa sarili nilang mga pagsisikap. Hindi mahalaga kung mga magulang man o mga anak, dapat hayaan ng lahat ng tao ang likas na takbo ng mga bagay-bagay sa loob ng mga kapaligirang isinaayos ng Diyos, sa halip na subukang baguhin ang mga bagay sa pamamagitan ng sarili nilang mga pagsisikap o anumang pansariling kapasyahan. Hindi magbabago ang kapalaran ng iyong mga magulang dahil lang sa mayroon kang mga ganitong kaisipan tungkol sa kanila—matagal nang inorden ng Diyos ang kanilang kapalaran. Inorden ng Diyos na mabuhay ka sa loob ng saklaw ng kanilang buhay, na maipanganak ka nila, na mapalaki ka nila, at magkaroon ng ugnayang ito sa kanila. Kaya, ang responsabilidad mo sa kanila ay ang samahan lamang sila ayon sa iyong sariling mga kondisyon at gampanan ang ilang obligasyon. Tungkol naman sa kagustuhang baguhin ang kasalukuyang sitwasyon ng iyong mga magulang, o sa kagustuhang magkaroon sila ng mas magandang buhay, lahat ng iyon ay hindi kinakailangan. O, kung gusto mong tingalain ka ng iyong mga kapitbahay at kamag-anak, magdala ng karangalan sa iyong mga magulang, tiyakin ang katanyagan ng iyong mga magulang sa loob ng pamilya—mas lalong hindi ito kinakailangan. Mayroon ding mga solong ina o ama na iniwan ng kanilang asawa at pinalaki ka nila nang sila lang tungo sa hustong gulang. Mas lalo mong nararamdaman kung gaano ito kahirap para sa kanila, at gusto mong gamitin ang buong buhay mo para suklian at bayaran sila, kahit na hanggang sa puntong gagawin mo ang anumang sasabihin nila. Kung ano ang hinihingi nila sa iyo, ang kanilang ekspektasyon mula sa iyo, pati na kung anoit ang handa mong gawin nang ikaw mismo, ay lahat nagiging pasanin sa buhay mo—hindi dapat ganito. Sa presensiya ng Lumikha, ikaw ay isang nilikha. Ang dapat mong gawin sa buhay na ito ay hindi lamang ang tuparin ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang, kundi ang tuparin ang iyong mga responsabilidad at tungkulin bilang nilikha. Matutupad mo lamang ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang batay sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, hindi sa pamamagitan ng paggawa ng anumang bagay para sa kanila batay sa iyong mga pang-emosyonal na pangangailangan o sa mga pangangailangan ng iyong konsensiya. Siyempre, ang pagtupad sa iyong mga responsabilidad at obligasyon sa kanila ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo ay bahagi rin ng iyong mga tungkulin bilang nilikha; ito ang responsabilidad na ibinigay ng Diyos sa tao. Ang pagtupad sa responsabilidad na ito ay batay sa mga salita ng Diyos, hindi sa mga pangangailangan ng tao. Kaya, madali para sa iyo na tratuhin ang iyong mga magulang ayon sa mga salita ng Diyos, tinutupad ang iyong mga responsabilidad at obligasyon sa kanila. Ganoon lang kasimple. Madali bang gawin ito? (Oo.) Bakit madali itong gawin? Ang diwa rito, pati na rin ang mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao, ay napakalinaw. Ang diwa ay na walang mga magulang o mga anak ang kayang bumago sa kapalaran ng isa’t isa. Sikapin mo mang mabuti o hindi, handa ka mang tuparin ang iyong mga responsabilidad o hindi, wala roon ang makakapagpabago sa kapalaran ng iba. Pinanghahawakan mo man sila sa iyong puso o hindi, iyan ay tanging kaibahan lamang ng emosyonal na pangangailangan, at hindi nito mababago ang anumang katunayan. Kaya, para sa mga tao, ang pinakasimpleng gawin ay ang bitiwan ang iba’t ibang pasanin na hatid ng mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang. Una sa lahat, dapat mong tingnan ang lahat ng bagay na ito ayon sa mga salita ng Diyos, at pangalawa, dapat mong tratuhin at pangasiwaan ang relasyon mo sa iyong mga magulang ayon sa mga salita ng Diyos. Ganoon lang kasimple. Hindi ba’t madali lang iyon? (Oo.) Kung tinatanggap mo ang katotohanan, magiging madali lang ang lahat ng bagay na ito, at sa proseso ng iyong karanasan, mas lalo mong mararamdaman na talagang totoo ito. Walang sinuman ang makakapagpabago sa kapalaran ng isang tao; ang kapalaran ng isang tao ay nasa mga kamay lamang ng Diyos. Kahit gaano mo pa subukan, hindi ito gagana. Siyempre, sasabihin ng ilang tao na: “Pawang katunayan ang lahat ng sinabi Mo, pero nararamdaman ko na walang pagmamahal ang pagkilos nang ganito. Palaging inuusig ang aking konsensiya, at hindi ko na ito kayang tiisin.” Kung hindi mo na kayang tiisin ito, pagbigyan mo na lang ang iyong nararamdaman; samahan mo ang iyong mga magulang at manatili ka sa kanilang tabi, paglingkuran sila, maging mabuting anak, at gawin ang kanilang sinasabi, tama o mali man sila—maging parang kanilang munting buntot at tagapaglingkod, ayos lang ito. Sa ganitong paraan, walang mamumuna sa iyo kapag nakatalikod ka, at pag-uusapan maging ng iyong mga kamag-anak kung gaano ka kabuting anak. Gayunpaman, sa huli, ang tanging magdurusa ng kawalan ay ikaw. Napangalagaan mo ang iyong reputasyon bilang isang mabuting anak, natugunan mo ang iyong mga emosyonal na pangangailangan, hindi kailanman naakusahan ang iyong konsensiya, at nasuklian mo ang kabutihan ng iyong mga magulang, ngunit may isang bagay kang napabayaan at naiwala: Hindi mo tinrato at hinarap ang lahat ng bagay na ito ayon sa mga salita ng Diyos, at nawalan ka ng pagkakataon na gampanan ang iyong tungkulin bilang isang nilikha. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito ay naging mabuting anak ka sa iyong mga magulang ngunit ipinagkanulo mo ang Diyos. Nagpakita ka ng pagiging mabuting anak at tinugunan mo ang mga emosyonal na pangangailangan ng laman ng iyong mga magulang, subalit naghimagsik ka laban sa Diyos. Mas pipiliin mong maging isang mabuting anak kaysa gampanan ang iyong mga tungkulin bilang isang nilikha. Ito ang pinakamalaking kawalan ng respeto sa Diyos. Hindi sasabihin ng Diyos na isa kang taong nagpapasakop sa Kanya o na nagtataglay ka ng pagkatao dahil lang sa mabuti kang anak, hindi mo binigo ang iyong mga magulang, may konsensiya ka, at tinutupad mo ang iyong mga responsabilidad bilang anak. Kung tinutupad mo lang ang mga pangangailangan ng iyong konsensiya at ang mga emosyonal na pangangailangan ng iyong laman, ngunit hindi tinatanggap ang mga salita ng Diyos o ang katotohanan bilang batayan at mga prinsipyo sa pagtrato o pangangasiwa ng bagay na ito, kung gayon, ipinapakita mo ang pinakamalaking paghihimagsik laban sa Diyos. Kung gusto mong maging isang kwalipikadong nilikha, dapat mo munang tingnan at gawin ang lahat ng bagay ayon sa mga salita ng Diyos. Ito ang tinatawag na pagiging kwalipikado, pagkakaroon ng pagkatao, at pagkakaroon ng konsensiya. Sa kabaligtaran, kung hindi mo tatanggapin ang mga salita ng Diyos bilang mga prinsipyo at batayan sa pagtrato o pangangasiwa sa bagay na ito, at kung hindi mo rin tinatanggap ang misyon ng Diyos para sa iyo na lumabas at gampanan ang iyong mga tungkulin, o mas gugustuhin mo pang ipagpaliban o isuko ang pagkakataon na gampanan ang iyong mga tungkulin para makapanatili ka sa tabi ng iyong mga magulang, samahan sila, bigyan sila ng kaligayahan, hayaan silang matamasa ang kanilang mga huling taon sa buhay, at suklian ang kanilang kabutihan, sasabihin ng Diyos na ikaw ay walang pagkatao o konsensiya. Hindi ka isang nilikha, at hindi ka Niya makikilala.
Pagdating sa pangangasiwa sa mga ekspektasyon ng mga magulang, malinaw ba kung anong mga prinsipyo ang dapat sundin at anong mga pasanin ang dapat bitiwan? (Oo.) Kung gayon, ano ba mismo ang mga pasanin na dinadala ng mga tao rito? Dapat silang makinig sa kanilang mga magulang at hayaan ang kanilang mga magulang na magkaroon ng magandang pamumuhay; lahat ng ginagawa ng kanilang mga magulang ay para sa kanilang sariling kabutihan; at dapat nilang gawin ang sinasabi ng kanilang mga magulang upang maging mabuting anak. Dagdag pa rito, bilang mga taong nasa hustong gulang, dapat nilang gawin ang mga bagay-bagay para sa kanilang mga magulang, suklian ang kabutihan ng kanilang mga magulang, maging mabuting anak sa mga ito, samahan ang mga ito, huwag iparamdam ang lungkot o pagkabigo sa mga ito, huwag biguin ang mga ito, at gawin ang lahat ng kanilang makakaya para bawasan ang paghihirap ng kanilang mga magulang o tuluyang alisin ito. Kung hindi mo ito makakamit, ikaw ay walang utang na loob, hindi mabuting anak, karapat-dapat kang tamaan ng kidlat at itaboy ng iba, at isa kang masamang tao. Ito ba ang iyong mga pasanin? (Oo.) Dahil ang mga bagay na ito ay ang mga pasanin ng mga tao, dapat tanggapin ng mga tao ang katotohanan at harapin nang maayos ang mga ito. Tanging sa pagtanggap sa katotohanan mabibitiwan at mababago ang mga pasanin at maling kaisipan at pananaw na ito. Kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, may iba pa bang landas para sa iyo? (Wala.) Kaya, ito man ay pagbitiw sa mga pasanin ng pamilya o ng laman, lahat ay nagsisimula sa pagtanggap sa tamang kaisipan at pananaw at sa pagtanggap ng katotohanan. Habang sinisimulan mong tanggapin ang katotohanan, itong mga maling kaisipan at pananaw sa loob mo ay unti-unting matitibag, makikilatis, at malinaw na mauunawaan, at pagkatapos ay unti-unting maitatakwil ang mga ito. Sa proseso ng pagtitibag, pagkikilatis, at pagkatapos ay pagbibitiw at pagtatakwil sa mga maling kaisipan at pananaw na ito, unti-unti mong babaguhin ang iyong saloobin at pagharap sa mga bagay na ito. Unti-unting hihina ang mga kaisipan na nagmumula sa iyong konsensiya at mga damdamin bilang tao; hindi ka na guguluhin o gagapusin ng mga ito sa kailaliman ng iyong isipan, hindi na kokontrolin o iimpluwensiyahan ang iyong buhay, o panghihimasukan ang paggampan mo sa tungkulin. Halimbawa, kung tinanggap mo ang mga tamang kaisipan at pananaw at tinanggap ang aspektong ito ng katotohanan, kapag narinig mo ang balita ng pagkamatay ng iyong mga magulang, iiyak ka lamang para sa kanila nang hindi iniisip ang tungkol sa kung paanong sa mga taong ito ay hindi mo nasuklian ang kanilang kabutihan sa pagpapalaki sa iyo, kung paanong pinahirapan mo sila nang husto, kung paano mo sila hindi binayaran ni katiting, o kung paanong hindi mo sila hinayaang magkaroon ng magandang pamumuhay. Hindi mo na sisisihin ang iyong sarili sa mga bagay na ito—sa halip, magpapakita ka ng normal na mga ekspresyon na nagmumula sa mga pangangailangan ng normal na damdamin ng tao; iiyak ka at dadanas ng kaunting pangungulila sa kanila. Hindi magtatagal, magiging natural at normal ang mga bagay na ito, at agad na isusubsob ang iyong sarili sa isang normal na buhay at paggampan ng iyong mga tungkulin; hindi ka na mababagabag sa bagay na ito. Ngunit kung hindi mo tatanggapin ang mga katotohanang ito, kapag nabalitaan mong namatay ang iyong mga magulang, walang humpay kang iiyak. Makakaramdam ka ng awa para sa iyong mga magulang, na hindi naging madali ang buong buhay nila, at na nagpalaki sila ng isang hindi mabuting anak katulad mo; nang magkasakit sila, hindi mo sila pinaglingkuran sa tabi ng kanilang higaan, at nang mamatay sila, hindi ka umiyak sa kanilang libing o nagluksa; binigo mo sila, nadismaya sila sa iyo, at hindi mo sila binigyan ng magandang buhay. Mamumuhay ka nang matagal nang may ganitong pakiramdam ng pagkakonsensiya, at sa tuwing naiisip mo ito, iiyak ka at makakaramdam ng kirot sa puso mo. Sa tuwing nahaharap ka sa mga kaugnay na sitwasyon o mga tao, pangyayari, at bagay, magkakaroon ka ng emosyonal na reaksiyon; maaaring kasama-kasama mo ang pakiramdam na ito ng pagkakonsensiya sa buong buhay mo. Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil hindi mo kailanman tinanggap ang katotohanan o ang mga tamang kaisipan at pananaw bilang buhay mo; sa halip, patuloy na nangingibabaw sa iyo ang iyong mga dating kaisipan at pananaw, naiimpluwensiyahan ang iyong buhay. Kaya, sa natitirang bahagi ng iyong buhay ay mamumuhay ka sa pasakit dahil sa pagpanaw ng iyong mga magulang. Ang tuloy-tuloy na pagdurusang ito ay magkakaroon ng mga kahihinatnan na higit pa sa kaunting pisikal na pagkabahala; maaapektuhan nito ang iyong buhay, ang iyong saloobin sa paggampan sa iyong mga tungkulin, ang iyong saloobin sa gawain ng iglesia, ang iyong saloobin sa Diyos, pati na ang iyong saloobin sa sinumang tao o bagay na nakakaapekto sa iyong kaluluwa. Maaaring masiraan at panghinaan ka rin ng loob tungkol sa mas maraming bagay-bagay, maging malungkot at walang gana, mawalan ng pananalig sa buhay, mawalan ng sigasig at motibasyon sa anumang bagay, at iba pa. Sa kalaunan, hindi lamang nito maaapektuhan ang iyong simpleng pang-araw-araw na buhay; maaapektuhan din nito ang iyong saloobin sa paggampan ng iyong mga tungkulin at ang landas na tinatahak mo sa buhay. Ito ay lubhang mapanganib. Ang kahihinatnan ng panganib na ito ay maaari na hindi mo magagampanan nang sapat ang iyong mga tungkulin bilang isang nilikha, at maaaring titigil ka pa nga sa kalagitnaan ng paggampan ng iyong mga tungkulin o magkikimkim ng isang mapanlaban na lagay ng loob at saloobin tungo sa mga tungkuling ginagampanan mo. Sa madaling salita, hindi maiiwasang lalala ang ganitong sitwasyon sa paglipas ng panahon at magdudulot ng pagbabago sa iyong lagay ng loob, mga emosyon, at mentalidad tungo sa masamang direksiyon. Naiintindihan mo ba? (Oo.) Ang pagbabahaginan ng mga paksang ito ngayon, sa isang aspekto, ay nagsasabi sa iyo na magtatag ng mga tamang kaisipan at pananaw, ang pinagmulan ng mga ito ay batay sa diwa ng mga bagay na ito mismo. Dahil ang ugat at diwa ay para lamang mapagtanto ng mga tao ang mga ito, at hindi sila dapat malinlang ng mga representasyon na ito o ng mga kaisipan at pananaw na nagmumula sa mga damdamin at pagkamainitin ng ulo. Ito ay isang aspekto. Ang isa pang aspekto ay, tanging kapag ginawa lang ng mga tao ito nila maiiwasan ang mga pasikot-sikot at paglihis, at sa halip ay mamuhay nang walang pag-aalala sa isang kapaligiran na pinamumunuan at pinapatnugutan ng Diyos. Bilang buod, tanging sa pagtanggap lang ng mga tamang kaisipan at pananaw na ito at ang magabayan ng mga ito maiwawaksi ng mga tao ang mga pasaning ito na nagmumula sa kanilang mga magulang, bitiwan ang mga pasaning ito, at makapagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Sa paggawa nito, makapapamuhay ang isang tao nang mas malaya at walang pumipigil, nang may kapayapaan at kagalakan, sa halip na patuloy na nauudyukan ng mga epekto ng pagkamainitin ng ulo, mga damdamin, o konsensiya. Sa dami ng tinalakay natin, mayroon ka na ba ngayong kaunting pag-unawa sa mga pasanin na likha ng mga ekspektasyon ng mga magulang? (Oo.) Ngayong mayroon ka nang tumpak na pag-unawa, hindi ba’t mas magaan at malaya na ang pakiramdam ng iyong espiritu? (Oo.) Kapag mayroon kang tunay na pag-unawa at tunay na pagtanggap at pagpapasakop, ang iyong espiritu ay makakalaya. Kung patuloy kang lalaban at tatanggi, o kaya’y ituturing ang mga katotohanang ito bilang teorya lamang, sa halip na ituring ang mga bagay na ito batay sa mga katunayan, kung gayon ay mahihirapan kang bumitiw. Magagawa mo lamang kumilos ayon sa mga pamamatnugot ng mga kaisipan at damdamin ng laman sa pagharap sa mga bagay na ito; sa huli, mamumuhay ka sa loob ng patibong ng mga damdaming ito, kung saan may pasakit at lungkot lamang, at walang sinumang makakapagligtas sa iyo. Kapag nahaharap sa mga usaping ito na nakatali sa emosyonal na patibong na ito, walang malalabasan ang mga tao. Makakalaya ka lamang mula sa mga pang-iipit at paggapos ng mga damdamin sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan, hindi ba? (Oo.)
Bukod sa iba’t ibang ekspektasyon at diskarte ng mga magulang pagdating sa pag-aaral at pagpili ng propesyon ng kanilang mga anak, mayroon din silang iba’t ibang ekspektasyon ukol sa pag-aasawa, hindi ba? Ano-ano ang ilan sa mga ekspektasyong ito? Mangyaring ibahagi mo. (Kadalasan, sasabihin ng mga magulang sa kanilang mga anak na babae na ang kanilang mapapangasawa ay dapat mayaman, may bahay at sasakyan man lang, at kayang alagaan siya. Ibig sabihin, dapat nitong matugunan ang mga materyal na pangangailangan ng anak na babae at magkaroon din ng pagpapahalaga sa responsabilidad. Ito ang mga pamantayan sa pagpili ng asawa.) Ang ilan sa mga sinasabi ng mga magulang ay nagmumula sa sarili nilang mga karanasan, at bagamat nais lamang nila ang ikabubuti mo, mayroon pa ring mga isyu. Mayroon ding sariling mga opinyon at kagustuhan ang mga magulang pagdating sa kanilang mga ekspektasyon sa iyong pag-aasawa. Hinihingi nilang humanap ang kanilang mga anak ng isang mapapangasawa na, kahit papaano, ay may pera, katayuan, at kakayahan, at isang tao na malakas para hindi sila aapi-apihin ng ibang tao sa labas ng tahanan. At kung aapihin ka ng iba, dapat kaya niyang manindigan laban sa mga taong ito at protektahan ka. Maaaring sasabihin mo na, “Wala akong pakialam. Hindi ako materialistic na tao. Gusto ko lang makahanap ng isang taong magmamahal sa akin at mahal ko rin.” Sa ganitong pagkakataon, sasabihin ng iyong mga magulang, “Bakit ba napakahangal mo? Bakit ang hina ng isip mo? Bata ka pa at walang karanasan, hindi mo pa naiintindihan ang mga paghihirap sa buhay. Narinig mo na ba ang kasabihang ‘Lahat ay nagiging masama para sa isang dukhang mag-asawa’? Sa buhay, kailangan mo ng pera para dito at para doon; akala mo ba magkakaroon ka ng magandang buhay kung wala kang pera? Kailangan mong humanap ng isang taong mayaman at may kakayahan.” Sasagot ka ng, “Pero kahit ang mga taong mayaman at may kakayahan ay hindi rin maaasahan.” Sasagot ang iyong mga magulang ng, “Kahit hindi sila maaasahan, kailangan mo munang matugunan ang iyong mga pangunahing pangangailangan. Magkakaroon ka ng anumang gusto mong kainin at isuot, at makakakain at mabibihisan ka nang maayos, isang bagay na kaiinggitan ng lahat.” Sasagot ka, “Pero hindi magiging masaya ang aking kaluluwa.” Bilang tugon, sasabihin ng iyong mga magulang, “Ano nga ba ang kaluluwa? Nasaan ito? Ano ngayon kung hindi masaya ang iyong kaluluwa? Hangga’t maginhawa ang katawan mo, iyon ang mahalaga!” May ilang tao na, batay sa kanilang kasalukuyang sitwasyon sa buhay, ay nais manatiling walang asawa. Kahit na medyo matanda na sila, ayaw nilang makipag-date, lalo na ang mag-asawa. Dahil dito, nababahala ang kanilang mga magulang, kaya palagi silang hinihimok ng mga ito na mag-asawa. Naghahanda sila ng mga blind date at nagpapakilala ng mga potensiyal na mapapangasawa. Ginagawa nila ang lahat ng posibleng paraan para mabilis na makahanap ng isang taong nababagay at isang kagalang-galang na tao na mapapangasawa ng kanilang mga anak; kahit na hindi sila nababagay, kahit papaano ay dapat maganda ang kanilang mga kwalipikasyon, gaya ng pagiging isang taong nakapagtapos sa unibersidad, mayroong master’s o Ph.D., o kung hindi man ay nakapag-aral sa ibang bansa kahit papaano. Hindi matiis ng ibang tao ang pangungulit ng kanilang mga magulang. Sa simula, iniisip nila na magandang bagay ang walang asawa at sarili lamang nila ang kanilang aalagaan. Lalo na pagkatapos nilang sumampalataya sa Diyos, abalang-abala sila sa paggampan ng kanilang mga tungkulin araw-araw at wala silang oras para isipin ang mga bagay na ito, kaya hindi sila nakikipag-date at hindi rin sila mag-aasawa sa hinaharap. Gayunpaman, hindi nila malampasan ang pagsisiyasat ng kanilang mga magulang. Hindi pumapayag ang kanilang mga magulang, palagi silang hinihimok at pinipilit. Sa tuwing nakikita ng mga magulang ang kanilang mga anak, nagsisimula silang mangulit: “May dine-date ka ba ngayon? Mayroon ka bang nagugustuhan? Bilisan mo na at dalhin siya sa bahay para matingnan namin siya para sa iyo. Kung nababagay siya sa iyo, magpakasal ka na; hindi ka na bumabata! Ang mga babae ay hindi nag-aasawa paglampas sa edad na trenta at ang mga lalaki ay hindi naghahanap ng mapapangasawa paglampas sa edad na trenta’y singko. Ano ba ang ginagawa mo, baligtarin ang mundo? Sino ang mag-aalaga sa iyo kapag matanda ka na kung hindi ka mag-aasawa?” Laging nag-aalala ang mga magulang at inaabala nila ang kanilang sarili sa bagay na ito, nais nilang hanapin mo ang ganito o ganoong klase ng tao, itinutulak ka na mag-asawa at maghanap ng katuwang sa buhay. At pagkatapos mong mag-asawa, patuloy pa rin silang nanggugulo sa iyo: “Bilisan mo at mag-anak ka na habang bata pa ako. Aalagaan ko sila para sa iyo.” Sasabihin mo na, “Hindi ko kailangang alagaan mo ang mga anak ko. Huwag kang mag-alala.” Sasagot sila ng, “Ano ang ibig mong sabihin sa ‘Huwag kang mag-alala’? Bilisan mo at mag-anak ka na! Kapag naipanganak na ang mga anak mo, ako na ang bahalang mag-alaga sa kanila para sa iyo. Kapag medyo malaki na sila, pwede ka nang pumalit sa pag-aalaga.” Anuman ang mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak—hindi mahalaga kung ano ang mga saloobin ng mga magulang o kung tama ba ang mga ekspektasyong ito—parati itong isang pasanin para sa mga anak. Kung talagang makikinig sila sa kanilang mga magulang, hindi sila magiging komportable at malulungkot sila. Kung hindi sila makikinig sa kanilang mga magulang, makokonsensiya sila: “Hindi naman mali ang mga magulang ko. Napakatanda na nila at hindi nila ako nakikitang nag-aasawa o nagkakaanak. Nalulungkot sila, kaya’t hinihimok nila akong mag-asawa at magkaroon ng mga anak. Responsabilidad din nila ito.” Kaya, pagdating sa pangangasiwa sa mga ekspektasyon ng mga magulang tungkol sa bagay na ito, sa kaloob-looban, palaging mayroong bahagyang pakiramdam ang mga tao na ito ay isang pasanin. Nakikinig man sila o hindi, tila mali ito, at sa alinmang paraan, pakiramdam nila ay lubhang kahiya-hiya at imoral na suwayin ang mga hinihingi o pagnanais ng kanilang mga magulang. Isa itong bagay na nagpapabigat sa kanilang konsensiya. May ilang magulang pa nga na nakikialam sa buhay ng kanilang mga anak: “Bilisan mo at mag-asawa ka na at magkaroon ng mga anak. Bigyan mo ako ng isang malusog na apong lalaki muna.” Sa ganitong paraan, sinusubukan pa nga nilang makialam sa kasarian ng sanggol. May mga magulang din na nagsasabing, “Mayroon ka nang anak na babae, bilisan mo at bigyan mo ako ng apo na lalaki, gusto ko ng apo na lalaki at apo na babae. Abala kayong mag-asawa sa pananampalataya sa Diyos at paggampan ng inyong mga tungkulin buong araw. Hindi ninyo ginagawa ang nararapat ninyong gawain; ang pagkakaroon ng mga anak ay isang malaking bagay. Hindi mo ba alam na, ‘Sa tatlong paglabag sa obligasyon sa magulang, ang hindi pagkakaroon ng anak ang pinakamalubha’? Sa tingin mo ba ay sapat na ang magkaroon ng anak na babae? Mabuti pang bilisan mo na at bigyan din ako ng apo na lalaki! Ikaw ang nag-iisang anak sa pamilya natin; kung hindi mo ako bibigyan ng apo na lalaki, hindi ba’t magiging katapusan na ng ating lahi?” Nag-iisip-isip ka, “Tama nga, kung sa akin matatapos ang lahi ng pamilya namin, hindi ba’t bibiguin ko lang ang aking angkan?” Kung gayon, mali ang hindi mag-asawa, at ang mag-asawa subalit hindi nagkakaroon ng mga anak ay mali rin; pero hindi rin sapat ang magkaroon ng anak na babae, dapat magkaroon ka ng anak na lalaki. May ilang tao na lalaki ang una nilang anak, pero sinasabi ng kanilang mga magulang na, “Hindi sapat ang isa lang. Paano kung may mangyari? Mag-anak ka pa ng isa para masamahan nila ang isa’t isa.” Pagdating sa kanilang mga anak, ang salita ng mga magulang ay batas at maaaring ganap silang hindi makatwiran, kaya nilang bigkasin ang pinakabaluktot na lohika—talagang hindi alam ng kanilang mga anak kung paano sila pakitunguhan. Pinanghihimasukan at pinupuna ng mga magulang ang buhay, trabaho, at pag-aasawa ng kanilang mga anak, pati na ang mga saloobin ng kanilang mga anak sa iba’t ibang bagay. Maaari lamang tiisin ng mga anak ang kanilang galit. Hindi sila pwedeng magtago mula sa kanilang mga magulang o umiwas sa mga ito. Hindi nila pwedeng pagalitan o turuan ang kanilang mga magulang—kaya, ano ang magagawa nila? Tinitiis nila ito, sinusubukang bihirang makipagkita sa kanilang mga magulang hangga’t maaari, at iniiwasan nilang pag-usapan ang mga isyung ito kung talagang kinakailangan nilang magkita. At kung talagang mababanggit ang mga usapin, agad nilang ititigil ito at magtatago sa isang lugar. Gayunpaman, may ilang tao na sumasang-ayon sa mga hinihingi ng kanilang mga magulang upang matugunan ang mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang at hindi mabigo ang mga ito. Maaaring atubili kang magmamadali sa pakikipag-date, pag-aasawa, at pagkakaroon ng mga anak. Pero hindi sapat na magkaroon ng isang anak; dapat magkaroon ka ng mangilan-ngilang anak. Ginagawa mo ito para matugunan ang mga hinihingi ng iyong mga magulang at pasayahin at paligayahin sila. Hindi mahalaga kung matutugunan mo man ang mga kahilingan ng iyong mga magulang, ang kanilang mga hinihingi ay magiging problema para sa sinumang anak. Walang ginagawang anumang labag sa batas ang mga magulang mo, at hindi mo sila maaaring punahin, makipag-usap sa iba tungkol dito, o mangatwiran sa kanila. Habang pabalik-balik ka nang ganito, nagiging pasanin mo ang bagay na ito. Palagi mong nararamdaman na hangga’t hindi mo matugunan ang mga hinihingi ng iyong mga magulang na mag-asawa at mag-anak, hindi mo magagawang harapin ang iyong mga magulang at mga ninuno nang may malinis na konsensiya. Kung hindi mo pa natutugunan ang mga hinihingi ng iyong mga magulang—ibig sabihin, hindi ka pa nakipag-date, hindi ka pa nag-asawa, at hindi pa nagkaanak at hindi mo naipagpatuloy ang lahi ng pamilya gaya ng hiniling nila—makakaramdam ka ng kagipitan sa loob mo. Magiging maluwag lang nang kaunti ang pakiramdam mo kung sasabihin ng iyong mga magulang na hindi sila makikialam sa mga bagay na ito, bibigyan ka ng kalayaang tanggapin kung ano ang mangyayari. Gayunpaman, kung ang komento ng lipunan na nagmumula sa iyong mga kamag-anak, kaibigan, kaklase, kasamahan, at iba pa ay para kondenahin ka at pag-usapan ka habang ikaw ay nakatalikod, kung gayon, isa rin itong pasanin para sa iyo. Kapag ikaw ay 25 taong gulang na at walang asawa, sa tingin mo ay hindi ito gaanong mahalaga, pero kapag umabot ka na sa 30 taong gulang, magsisimula mong maramdaman na hindi ito gaanong maganda, kaya iiwasan mo ang mga kamag-anak at kapamilyang ito, at hindi ito babanggitin. At kung wala ka pang asawa sa edad na 35 taong gulang, sasabihin ng mga tao na, “Bakit wala ka pang asawa? May problema ba sa iyo? Medyo kakaiba ka talaga, ano?” Kung may asawa ka na pero ayaw mo ng mga anak, sasabihin nilang, “Bakit hindi ka nagkaanak pagkatapos mag-asawa? Ang ibang tao ay nag-aasawa at nagkakaroon ng anak na babae at pagkatapos ay anak na lalaki, o nagkakaroon sila anak na lalaki at pagkatapos ay anak na babae. Bakit ayaw mong magkaroon ng mga anak? Ano ang problema mo? Wala ka bang damdamin ng isang tao? Normal ka man lang ba?” Nagmumula man ito sa mga magulang o sa lipunan, ang mga isyung ito ay nagiging isang pasanin para sa iyo sa iba’t ibang kapaligiran at senaryo. Pakiramdam mo ay mali ka, lalo na sa iyong partikular na edad. Halimbawa, kung ikaw ay nasa pagitan ng trenta at singkwenta na edad at wala ka pa ring asawa, hindi ka na naglalakas-loob na makipagkita sa mga tao. Sasabihin nila na, “Hindi nag-asawa kailanman sa buong buhay niya ang babaeng iyan, siya ay isang matandang dalaga, walang may gusto sa kanya, walang magpapakasal sa kanya.” “Ang lalaking iyan, hindi siya kailanman nagkaroon ng asawa sa buong buhay niya.” “Bakit hindi sila nag-asawa?” “Malay natin, baka may mali sa kanila.” Nagninilay-nilay ka, “Wala namang mali sa akin. Kaya, bakit wala pa akong asawa kung gayon? Hindi ko pinakinggan ang aking mga magulang at pinababayaan ko sila.” Sinasabi ng mga tao, “Walang asawa ang lalaking iyan, walang asawa ang babaeng iyan. Tingnan mo nga kung gaano kakaawa-awa ang mga magulang nila ngayon. Ang ibang mga magulang ay may mga apo na at mga apo sa tuhod, samantalang sila ay wala pa ring asawa. Malamang na may ginawang masama ang kanilang mga ninuno, ano? Hindi ba’t iniiwan nitong walang tagapagmana ang pamilya? Wala silang sinumang apo na magpapatuloy sa lahi ng kanilang pamilya. Anong problema ng pamilyang iyon?” Gaano man katibay ang iyong kasalukuyang saloobin, hangga’t ikaw ay isang mortal, ordinaryong tao, at wala kang sapat na katotohanan para maunawaan ang bagay na ito, sa malao’t madali ay aabalahin at guguluhin ka nito. Sa panahon ngayon, maraming tao sa lipunan na nasa edad 34 o 35 ang wala pa ring asawa, na hindi naman masyadong malaking isyu. Gayunpaman, sa edad na 35 o 36 pataas, mas kaunti na ang mga taong wala pang asawa. Batay sa kasalukuyang hanay ng edad ng mga taong wala pang asawa, kung ikaw ay wala pang 35 taong gulang, maaaring iisipin mo na, “Normal lang na wala pang asawa, walang nagsasabi ng kahit ano tungkol dito. Kung may gustong sabihin ang mga magulang ko, hayaan sila. Hindi ako natatakot.” Pero kapag lampas ka na sa edad na 35, mag-iiba ang tingin sa iyo ng mga tao. Sasabihin nila na ikaw ay wala pang asawa, matandang binata, o isang tira-tirang babae, at hindi mo ito matitiis. Ang bagay na ito ay magiging pasanin mo. Kung wala kang malinaw na pagkaunawa o tiyak na mga prinsipyo ng pagsasagawa para sa bagay na ito, sa malao’t madali, magiging abala ito para sa iyo, o magagambala nito ang buhay mo sa isang espesyal na panahon. Hindi ba’t kasama rito ang ilang katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao? (Oo.)
Pagdating sa pag-aasawa at pagkakaroon ng mga anak, anong mga katotohanan ang kailangang maunawaan ng mga tao upang mabitiwan ang mga pasanin na hatid ng mga bagay na ito? Una sa lahat, ang pagpili ba ng mapapangasawa ay naitatakda ng kagustuhan ng tao? (Hindi.) Hindi naman maaaring basta-basta ka na lang makipagkita sa sinumang klase ng tao na nais mo, at lalong hindi rin ihahanda ng Diyos ang mismong klase ng tao na gusto mo. Sa halip, inorden na ng Diyos kung sino ang mapapangasawa mo; kung sino man ang itinadhana, siya ang mapapangasawa mo. Hindi mo kailangang maapektuhan ng anumang hadlang na dulot ng mga pangangailangan ng iyong mga magulang o ng mga kondisyong inihahain nila. Bukod dito, maitatakda ba ng mayaman at may mataas na katayuan na mapapangasawa na ipinapahanap sa iyo ng mga magulang mo, ang sarili mong kayamanan at katayuan sa hinaharap? (Hindi.) Hindi nito maitatakda iyon. May mangilan-ngilang babae na nakapag-asawa sa mayayamang pamilya para lang itaboy sa huli at mapilitang maghanap-buhay sa pamamagitan ng pamumulot ng mga basura sa kalsada. Sa patuloy na paghahangad na makaakyat sa itaas ng lipunan para sa kayamanan at katanyagan, nauuwi sila sa pagkasira at pagkawasak ng kanilang reputasyon, na mas malala pa kaysa sa mga ordinaryong tao. Ginugugol nila ang kanilang mga araw nang nagdadala ng isang mumurahing laundry bag para mangolekta ng mga plastik na bote at lata ng aluminyo, pagkatapos ay ipagpalit ang mga ito sa ilang piso, at sa huli ay bumibili sila ng isang tasa ng kape sa isang café para maramdaman nila na parang namumuhay pa rin sila bilang isang mayaman na tao. Napakamiserable! Ang pag-aasawa ay isang mahalagang pangyayari sa buhay ng tao. Katulad ng kung anong uri ng mga magulang ang nakatadhana para sa isang tao, ang pag-aasawa ay hindi batay sa mga pangangailangan ng iyong mga magulang o ng iyong pamilya, o sa iyong pansariling panlasa at mga gusto; ito ay ganap na nasa loob ng ordinasyon ng Diyos. Sa tamang panahon, makikilala mo ang tamang tao; sa angkop na oras, makikilala mo ang taong nababagay sa iyo. Ang lahat ng pagsasaayos na ito ng hindi nakikitang, mistikal na daigdig ay nasa ilalim ng kontrol at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Sa bagay na ito, hindi kailangang sundin ng mga tao ang mga pagsasaayos ng iba, na patnubayan sila ng iba, o na manipulahin at impluwensiyahan ng mga ito. Kaya, pagdating sa pag-aasawa, anuman ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, at anuman ang mga plano mo, hindi mo kailangang maimpluwensiyahan ng iyong mga magulang, o ng iyong sariling mga plano. Ang bagay na ito ay dapat ganap na nababatay sa salita ng Diyos. Hindi mahalaga kung naghahanap ka ng isang katuwang sa buhay o hindi—kahit na naghahanap ka, dapat ayon ito sa salita ng Diyos, hindi ayon sa mga hinihingi o pangangailangan ng iyong mga magulang, at hindi ayon sa kanilang mga ekspektasyon. Kaya, pagdating sa pag-aasawa, hindi dapat maging pasanin mo ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang. Ang paghahanap ng isang mapapangasawa ay tungkol sa pag-aako ng responsabilidad para sa nalalabing bahagi ng iyong sariling buhay at para sa iyong asawa; ito ay tungkol sa pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Hindi ito tungkol sa pagtugon sa mga hinihingi ng iyong mga magulang o sa pagtupad ng kanilang mga ekspektasyon. Naghahanap ka man ng isang katuwang at kung anong uri ng katuwang ang hinahanap mo, hindi ito dapat nakabatay sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang. Walang karapatan ang iyong mga magulang na kontrolin ka sa bagay na ito; hindi sila binigyan ng Diyos ng karapatan na isaayos ang iyong pag-aasawa mula simula hanggang katapusan. Kung naghahanap ka ng mapapangasawa, dapat itong gawin ayon sa mga salita ng Diyos; kung pipiliin mong hindi maghanap ng mapapangasawa, kalayaan mo iyon. Sinasabi mo na: “Sa buong buhay ko, ginagampanan ko man ang aking mga tungkulin o hindi, gusto ko lang na hindi mag-asawa. Ang mamuhay nang mag-isa ay napakalaya—parang isang ibon, sa isang pagaspas ng aking mga pakpak ay makakalipad na ako nang ganoon-ganoon lang. Hindi ako nabibigatan ng isang pamilya at mag-isa lang ako kahit saan ako magpunta. Napakaganda! Mag-isa lang ako, pero hindi ako malungkot. Kasama ko ang Diyos, dinadamayan niya ako; hindi ako madalas na nalulungkot. Paminsan-minsan, pakiramdam ko ay nais kong ganap na magpahinga sa lahat, na siyang kailangan ng katawan. Hindi masama ang magkaroon ng ilang sandali ng ganap na pahinga. Paminsan-minsan, kapag hungkag o malungkot ang pakiramdam ko, lumalapit ako sa Diyos para magkaroon ng puso-sa-pusong pakikipag-usap sa Kanya at magbahagi ng ilang salita. Babasahin ko ang Kanyang mga salita, mag-aaral ng mga himno, manonood ng mga video ng patotoo ng mga karanasan sa buhay, at manonood ng mga pelikula mula sa sambahayan ng Diyos. Maganda ito, at hindi na ako nakakaramdam ng lungkot pagkatapos. Hindi ko iniinda kung magiging malungkot ako kalaunan o hindi. Ano’t anuman, hindi ako malungkot ngayon; maraming kapatid sa paligid ko na makakausap ko nang taos-puso. Ang paghahanap ng isang mapapangasawa ay medyo nakakaabala. Hindi maraming normal na tao ang taimtim na nakapamumuhay nang magandang buhay, kaya ayaw kong maghanap ng mapapangasawa. Kung may mahahanap ako at hindi kami magkakasundo at maghihiwalay kami, ano na lang ang silbi ng lahat ng abalang iyon? Dahil malinaw ko nang naunawaan ang puntong ito, mas mabuti para sa akin na hindi maghanap ng katuwang sa buhay. Kung ang layon ng paghahanap ng isang mapapangasawa ay para lamang sa pansamantalang kaligayahan at kagalakan, at sa huli ay maghihiwalay rin naman kayo, abala lang iyon, at hindi ako handang magtiis sa ganoong abala. Tungkol naman sa isyu ng pagkakaroon ng mga anak, bilang isang tao—at hindi lamang isang kasangkapan sa paggawa ng mga tagapagmana—hindi ko responsabilidad o obligasyon na ipagpatuloy ang anumang angkan ng pamilya. Ang sinumang gustong magpatuloy nito ay maaaring gawin ito. Walang apelyido na pag-aari ng isang tao lamang.” Ano ba ang problema kung mapuputol ang angkan ng pamilya? Hindi ba’t usapin lamang ito ng mga apelyido ng laman? Walang ugnayan sa isa’t isa ang mga kaluluwa; wala silang mana o pagpapatuloy sa isa’t isa na pag-uusapan. Ang sangkatauhan ay may iisang ninuno; ang bawat isa ay inapo ng ninunong iyon, kaya’t walang pagdududa sa pagtatapos ng lahi ng sangkatauhan. Ang pagpapatuloy ng lahi ay hindi mo responsabilidad. Ang pagtahak sa tamang landas sa buhay, ang pamumuhay nang malaya at may liberasyong buhay, at ang pagiging isang tunay na nilikha ang dapat na hinahangad ng mga tao. Ang pagiging isang makina para sa pagpaparami ng sangkatauhan ay hindi isang pasanin na dapat mong dalhin. Hindi mo rin responsabilidad na magparami o magpatuloy ng isang angkan ng pamilya alang-alang sa ilang pamilya. Hindi binigay sa iyo ng Diyos ang responsabilidad na ito. Ang sinumang gustong magkaanak ay maaaring gawin iyon at mag-anak; ang sinumang gustong ipagpatuloy ang kanilang angkan ay maaaring gawin iyon; ang sinumang handang umako sa responsabilidad na iyon ay maaaring akuin ito; wala itong kinalaman sa iyo. Kung ayaw mong akuin ang responsabilidad na iyon at ayaw mong tuparin ang obligasyong ito, ayos lang iyon, karapatan mo ito. Hindi ba’t tama ito? (Oo.) Kung patuloy kang kinukulit ng iyong mga magulang, sabihin mo sa kanila: “Kung ikinasasama ng loob mo na hindi ako nag-aanak at nagpapatuloy ng lahi ng pamilya para sa inyo, maghanap kayo ng paraan para magkaroon ng isa pang anak at hayaan ninyo silang magpatuloy nito. Tutal, hindi ko na problema ang bagay na ito; pwede mo itong ipasa sa kahit sinong gusto mo.” Pagkatapos mong sabihin ito, hindi ba’t walang maisasagot ang iyong mga magulang? Pagdating sa pag-aasawa at pagkakaroon ng mga anak ng kanilang mga anak, dapat malaman ng mga magulang, nananampalataya man sila sa Diyos o hindi, na sa kanilang katandaan, ang yaman o kahirapan ng isang tao, ang dami ng mga anak, at ang katayuan sa pag-aasawa sa buhay ay itinatakda ng Langit; lahat ng ito ay nakaayos na nang maaga, at hindi ito isang bagay na mapagpapasyahan ng sinuman. Samakatuwid, kung sapilitang hinihingi ng mga magulang ang mga bagay-bagay mula sa kanilang mga anak sa ganitong paraan, walang dudang sila ay mga mangmang na magulang, sila ay mga hangal at walang alam. Kapag nakikitungo sa mga hangal at walang alam na magulang, ituring mo na lang ang kanilang sinasabi na parang isang buga ng hangin at hayaan itong pumasok sa isang tenga at lumabas sa kabila, at iyon na iyon. Kung masyado silang nangungulit, maaari mong sabihin na, “Sige, ipinapangako ko sa iyo, magpapakasal ako bukas, magkakaroon ng anak sa makalawa, at hahayaan kang kargahin ang isang apo sa tuhod sa araw kasunod niyon. Ano sa tingin mo?” Balewalain mo lang sila at pagkatapos ay tumalikod ka at lumayo. Hindi ba’t mahinahon na paraan iyon ng pagharap dito? Sa alinmang paraan, kailangan mong maunawaan nang lubusan ang bagay na ito. Pagdating sa pag-aasawa, isantabi muna natin ang katunayan na ang pag-aasawa ay inorden ng Diyos. Ang saloobin ng Diyos sa bagay na ito ay ang pagkalooban ang mga tao mismo ng karapatang pumili. Maaari mong piliin na hindi mag-asawa, o maaari kang mag-asawa; pwede mong piliing mamuhay bilang mag-asawa, o pwede mong piliing magkaroon ng isang buo at malaking pamilya. Malaya kang gawin ito. Anuman ang basehan mo sa paggawa ng mga pasyang ito o anuman ang layon o resulta na gusto mong matamo, sa madaling salita, ibinibigay sa iyo ng Diyos ang karapatang ito; may karapatan kang pumili. Kung sasabihin mo na, “Masyado akong abala sa pagtupad ng aking mga tungkulin, bata pa ako, at ayaw kong mag-asawa. Gusto kong manatiling walang asawa, igugol ang aking sarili para sa Diyos sa lahat ng oras, at gampanan nang maayos ang aking mga tungkulin. Saka ko na lang haharapin ang malaking isyu ng pag-aasawa—kapag ako ay singkwenta na at nalulungkot, kapag marami na akong gustong sabihin pero wala akong mapagsasabihan, at saka ako maghahanap ng isang tao,” ayos lang din iyon, at hindi ka kokondenahin ng Diyos. Kung sasabihin mo na, “Pakiramdam ko ay lumilipas na ang aking kabataan, kailangan kong samantalahin ang huling bahagi ng aking kabataan. Habang bata pa ako at may hitsura pa at medyo kaakit-akit, dapat akong magmadali at maghanap ng katuwang na makakasama at makakausap ko, isang taong magpapahalaga at magmamahal sa akin, na siyang makakasama ko sa aking mga araw at mapapangasawa,” karapatan mo rin ito. Siyempre, may isang bagay: Kung nagpasya kang mag-asawa, kailangan mo munang maingat na isaalang-alang kung anong mga tungkulin ang kasalukuyan mong ginagampanan sa iglesia, kung ikaw ay isang lider o manggagawa, kung napili ka para sa paglilinang sa loob ng sambahayan ng Diyos, kung nagsasagawa ka ba ng mahalagang gawain o mga tungkulin, anong mga gampanin ang kasalukuyang mong natanggap, at ano ang mga kasalukuyang mong sitwasyon. Kung mag-aasawa ka, maaapektuhan ba nito ang iyong pagganap sa mga tungkulin? Maiimpluwensiyahan din ba nito ang iyong paghahangad sa katotohanan? Maaapektuhan ba nito ang iyong gawain bilang lider o manggagawa? Maaapektuhan ba nito ang pagtamo mo ng kaligtasan? Lahat ng ito ay mga katanungang dapat mong isaalang-alang. Bagamat binigyan ka ng Diyos ng ganitong karapatan, kapag ginamit mo ang karapatang ito, kailangan mong maingat na isaalang-alang kung anong pasya ang iyong gagawin at anong mga kahihinatnan ang maaaring idulot ng pasyang ito. Anuman ang mga kahihinatnang lilitaw, hindi mo dapat sisihin ang iba, ni sisihin ang Diyos. Dapat mong panagutan ang mga kahihinatnan ng iyong sariling mga pasya. Sinasabi ng ilang tao na: “Hindi lamang ako mag-aasawa, kundi gusto ko ring magkaroon ng maraming anak. Pagkatapos magkaroon ng anak na lalaki, magkakaroon ako ng anak na babae, at masaya kaming mamumuhay bilang isang pamilya habang-buhay, sinasamahan ang isa’t isa nang masaya at magkasundo. Magtitipon-tipon ang aking mga anak sa paligid ko kapag matanda na ako para alagaan nila ako, at tatamasahin ko ang kaligayahan ng buhay pamilya. Magiging napakaganda niyon! Tungkol naman sa paggampan ko sa aking mga tungkulin, paghahangad sa katotohanan, at pagkamit ng kaligtasan, lahat ng iyan ay pangalawa lamang. Hindi ako nababahala sa mga bagay na iyan sa ngayon. Uunahin ko muna ang isyu ng pagkakaroon ng mga anak.” Karapatan mo rin iyan. Gayunpaman, anuman ang mga kahihinatnan ng iyong pasya sa huli, mapait o matamis man ang mga ito, maasim o hanglay, ikaw mismo ang dapat pumasan sa mga ito. Walang sinumang papasan sa mga kahihinatnan ng iyong mga pasya o mananagot sa mga ito, pati na ang Diyos. Naiintindihan mo ba? (Oo.) Malinaw nang naipaliwanag ang mga bagay na ito. Tungkol naman sa pag-aasawa, dapat mong bitiwan ang mga pasaning dapat mong bitiwan. Kalayaan mong piliin na hindi mag-asawa, kalayaan mo rin na piliing pumasok sa pag-aasawa, at ang pagpili na magkaroon ng maraming anak ay kalayaan mo rin. Anuman ang iyong pipiliin, ito ay kalayaan mo. Sa isang banda, ang pagpiling pumasok sa pag-aasawa ay hindi nangangahulugan na nasuklian mo na ang kabutihan ng iyong mga magulang o natupad na ang iyong tungkulin bilang anak; siyempre, ang piliing hindi mag-asawa ay hindi rin nangangahulugan na sinasalungat mo ang iyong mga magulang. Sa kabilang banda, ang pagpiling mag-asawa o magkaroon ng maraming anak ay hindi paghihimagsik laban sa Diyos, ni pagsalungat sa Kanya. Hindi ka kokondenahin dahil dito. Hindi rin magiging dahilan ang pagpiling hindi mag-asawa na magkakaloob sa iyo ang Diyos ng kaligtasan sa huli. Sa madaling salita, ikaw man ay walang asawa, may asawa, o mayroong maraming anak, hindi itatakda ng Diyos batay sa mga salik na ito kung maliligtas ka ba sa huli. Hindi tinitingnan ng Diyos ang iyong katayuan sa pag-aasawa; tinitingnan lamang Niya kung hinahangad mo ba ang katotohanan, ang iyong saloobin sa pagganap ng iyong mga tungkulin, kung gaano karaming katotohanan ang iyong tinanggap at kung sa gaano karaming katotohanan ka nagpasakop, at kung kumikilos ka ba ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa huli, isasantabi rin ng Diyos ang iyong katayuan sa pag-aasawa upang suriin ang landas sa buhay, ang mga prinsipyong ipinamumuhay mo, at ang mga patakarang sinusunod mo sa pag-iral, upang matukoy kung ikaw ba ay maliligtas. Siyempre, may isang katunayan na dapat banggitin. Para sa mga walang asawa o sa mga hiwalay na, tulad niyong mga hindi nag-asawa o umalis sa buhay may asawa, may isang bagay na kapaki-pakinabang para sa kanila, at ito ay ang hindi nila kinakailangang maging responsable para sa sinuman o sa anumang bagay sa loob ng buhay may asawa. Hindi nila kailangang pasanin ang mga responsabilidad at obligasyon na ito, kaya’t medyo mas malaya sila. Mas maluwag ang kanilang oras, mas marami ang kanilang enerhiya, at higit na may personal na kalayaan sa ilang aspekto. Halimbawa, bilang isang taong nasa hustong gulang, kapag lumalabas ka para gampanan ang iyong mga tungkulin, walang makakapigil sa iyo—kahit ang iyong mga magulang ay walang ganitong karapatan. Ikaw mismo ay nagdarasal sa Diyos, gagawa Siya ng mga pagsasaayos para sa iyo, at maaari kang mag-impake at umalis. Ngunit kung ikaw ay may asawa at may pamilya, hindi ka gaanong malaya. Kailangan mong maging responsable sa kanila. Una sa lahat, pagdating sa mga kalagayan ng pamumuhay at mga pinansiyal na mapagkukunan, kahit papaano ay kailangan mong magbigay ng pagkain at damit para sa kanila, at kapag bata pa ang iyong mga anak, dapat mo silang ipasok sa paaralan. Dapat mong pasanin ang mga responsabilidad na ito. Sa mga sitwasyong ito, hindi malaya ang taong may asawa dahil mayroon silang mga obligasyon sa lipunan at pamilya na kailangan nilang tuparin. Mas simple ang buhay para sa mga walang asawa at walang anak. Kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, hindi sila magugutom o lalamigin; magkakaroon sila ng pagkain at tirahan. Hindi nila kailangang magpakaabala sa pagkita ng pera at pagtatrabaho dahil sa mga pangangailangan ng buhay-pamilya. Iyon ang pagkakaiba. Sa huli, pagdating sa pag-aasawa, pareho pa rin ang punto: Wala ka dapat na dinadalang anumang pasanin. Ito man ay mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, mga tradisyonal na pananaw mula sa lipunan, o iyong mga sariling labis na pagnanais, wala ka dapat na anumang pasanin. Karapatan mo na piliing hindi mag-asawa o pumasok sa buhay may asawa, at karapatan mo rin na magpasya kung kailan iiwan ang buhay na walang asawa at kung kailan papasok sa pag-aasawa. Walang tiyak na paghatol ang Diyos sa usaping ito. Tungkol naman sa kung gaano karami ang anak mo pagkatapos pumasok sa buhay may asawa, ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos, ngunit maaari ka ring magpasya para sa iyong sarili batay sa iyong aktuwal na mga sitwasyon at paghahangad. Hindi ka papatawan ng Diyos ng mga patakaran. Ipagpalagay na isa kang milyonaryo, multimilyunaryo, o bilyonaryo, at sinasabi mo na, “Hindi problema para sa akin ang magkaroon ng walo o sampung anak. Hindi makokompromiso ng pagpapalaki ng maraming anak ang lakas ko sa pagganap ng aking mga tungkulin.” Kung hindi ka natatakot sa abala, sige, gawin mo at magkaroon ka ng maraming anak; hindi ka kokondenahin ng Diyos. Hindi babaguhin ng Diyos ang Kanyang saloobin patungkol sa iyong kaligtasan dahil lang sa mga saloobin mo sa pag-aasawa. Ganoon iyon. Malinaw ba ito? (Oo.) May isa pang aspekto, at ito ay kung kasalukuyan mong pinipili na hindi mag-asawa, hindi ka dapat makaramdam na mas nakatataas ka dahil lang sa wala kang asawa, sinasabi mo na: “Kabilang ako sa mga taong matataas ang antas na wala pang asawa at may karapatan akong unahing iligtas sa presensiya ng Diyos.” Hindi ka binigyan ng Diyos ng ganitong pribilehiyo, naiintindihan mo? Maaring sasabihin mo na, “May asawa ako. Mas mababa ba ako dahil doon?” Hindi ka mas mababa. Miyembro ka pa rin ng tiwaling sangkatauhan; hindi ka ibinaba o niyurakan dahil lang sa pumasok ka sa pag-aasawa, hindi ka rin naging mas tiwali, mas mahirap iligtas, o mas nakakasakit sa puso ng Diyos kaysa sa iba, na nagiging dahilan para ayaw kang iligtas ng Diyos. Lahat ng ito ay maling kaisipan at pananaw ng mga tao. Ang katayuan ng isang tao sa pag-aasawa ay walang kinalaman sa saloobin ng Diyos sa kanya, wala ring kinalaman ang katayuan ng isang tao sa pag-aasawa kung maliligtas ba siya sa huli. Kung gayon, saan nauugnay ang pagkamit ng kaligtasan? (Ito ay batay sa saloobin ng isang tao sa pagtanggap sa katotohanan.) Tama, ito ay batay sa saloobin ng isang tao sa pagtrato at pagtanggap sa katotohanan, at kung kaya ba niyang gamitin ang mga salita ng Diyos bilang batayan at ang katotohanan bilang pamantayan para tingnan ang mga tao at bagay at para umasal at kumilos. Ito ang batayan sa pagsukat ng huling kalalabasan ng isang tao. Ngayong umabot na tayo sa puntong ito ng ating pagbabahaginan, kaya mo bang bitiwan ang mga pasanin na dulot ng isyu ng pag-aasawa? (Oo.) Ang kakayahang bitiwan ang mga ito ay makakabuti sa iyong paghahangad sa katotohanan. Kung hindi ka naniniwala rito, pwede mong tanungin ang mga taong nag-asawa tungkol sa kanilang pag-asang makatanggap ng kaligtasan, at sasabihin nila, “May asawa ako sa loob ng napakaraming taon at naghiwalay kami dahil sa aking pananampalataya sa Diyos. Hindi ako mangangahas na sabihin na maliligtas ako.” Maaari mong tanungin ang mga medyo mas matatandang kabataan na nasa edad na trenta na hindi pa nakapag-asawa, pero sa loob ng maraming taon na nanampalataya sila, hindi nila hinangad ang katotohanan at para silang mga walang pananampalataya. Maaari mo silang tanungin, “Maaari ka bang maligtas sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan?” Hindi rin sila mangangahas na sabihin na maliligtas sila. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo.)
Ito ang mga katotohanang dapat maunawaan ng mga tao tungkol sa pag-aasawa. Wala sa mga paksang pinagbahaginan natin ang maipapaliwanag nang malinaw sa ilang salita lamang. May maraming iba’t ibang katunayan na dapat suriin, pati na ang mga sitwasyon ng iba’t ibang uri ng tao. Batay sa iba’t ibang sitwasyong ito, ang mga katotohanang dapat maunawaan ng mga tao ay hindi maipapaliwanag nang malinaw sa ilang salita lamang. Sa bawat problema, mayroong mga katotohanang dapat maunawaan ng mga tao, pati na mga makatotohanang realidad na dapat maunawaan ng mga tao, at mas higit pa sa mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw na kinikimkim ng mga tao, na dapat ding maunawaan. Siyempre, ang mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw na ito ang mga bagay na dapat bitiwan ng mga tao. Kapag binitiwan mo ang mga bagay na ito, magiging medyo positibo at tumpak ang iyong mga kaisipan at pananaw sa isang bagay. Pagkatapos, kapag muli kang naharap sa ganitong uri ng isyu, hindi ka na mapipigilan nito; hindi ka na mapipigilan at maiimpluwensiyahan ng ilang nakalilinlang at kakatwang kaisipan at pananaw. Hindi ka na magagapos o maaabala nito; sa halip, mahaharap mo na nang maayos ang isyung ito, magiging medyo tumpak ang iyong pagsusuri sa iba o sa iyong sarili. Ito ang positibong resulta na maaaring taglayin ng mga tao kapag tinitingnan nila ang mga tao at bagay, kapag umaasal sila, at kumikilos ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Sige na, tapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan sa araw na ito. Paalam na!
Abril 1, 2023
Talababa:
a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “Ni hindi mo kayang kontrolin ang iyong sarili.”