Mga Salita sa Kung Paano Tinutukoy ng Diyos ang mga Kalalabasan ng mga Tao
Sipi 77
Ang ilang tao ay masyadong mababa ang kakayahan at hindi minamahal ang katotohanan. Paano man pagbahaginan ang katotohanan, hindi nila ito maarok. Maraming taon na silang nananampalataya sa Diyos ngunit hindi pa rin nila kayang magsalita tungkol sa anumang tunay na pagkaunawang batay sa karanasan. Dahil dito, pinagpapasyahan nila na hindi sila kabilang sa mga taong paunang itinadhana at hinirang ng Diyos, at na hindi sila maliligtas ng Diyos, kahit ilan pang taon sila manalig sa Kanya. Pinaniniwalaan nila sa kanilang puso, “Tanging ang mga paunang itinadhana at hinirang ng Diyos ang maliligtas, at ang lahat ng masyadong mababa ang kakayahan at hindi kayang maunawaan ang katotohanan ay hindi kabilang sa mga paunang itinadhana at hinirang ng Diyos; hindi sila maliligtas, kahit pa manampalataya sila.” Iniisip nila na hindi pinagpapasyahan ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao batay sa kanilang mga pagpapamalas at pag-uugali. Kung ganito ka mag-isip, labis na mali ang pagkaunawa mo sa Diyos. Kung ganito talaga ang ginawa ng Diyos, magiging matuwid ba Siya? Pinagpapasyahan ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao gamit ang isang prinsipyo: Sa huli, ang kalalabasan ng mga tao ay pagpapasyahan batay sa sarili nilang mga pagpapamalas at pag-uugali. Kung hindi mo makita ang matuwid na disposisyon ng Diyos at palaging mali ang pagkakaunawa mo sa Diyos at binabaluktot mo ang Kanyang mga ninanais, kung kaya’t palaging negatibo ang pananaw mo sa buhay at dismayado ka, hindi ba’t ikaw ang nagdulot niyan sa iyong sarili? Kung hindi mo nauunawaan kung paano gumagana ang paunang pagtatadhana ng Diyos, dapat mong hanapin ang katotohanan mula sa Diyos sa Kanyang mga salita at hindi basta-basta pagpasyahan na hindi ka kabilang sa Kanyang paunang itinadhana at hinirang na mga tao. Isa itong malubhang maling pagkakaunawa sa Diyos! Sadyang hindi mo man lang alam ang gawain ng Diyos, at hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, at lalo na ang masisidhing layunin na nasa likod ng anim na libong taon ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Ikaw ay sumusuko, nagpapalagay at nagdududa sa Diyos, natatakot na ikaw ay isang tagapagserbisyo na ititiwalag kapag natapos mo na ang iyong paglilingkod, at palagi kang nagmumuni-muni, “Bakit dapat kong gawin ang tungkulin ko? Nagseserbisyo ba ako habang ginagawa ko ang aking tungkulin? Hindi ba ako malilinlang, kung ako ay itatapon pagkatapos kong magserbisyo?” Ano ang masasabi mo sa pag-iisip na ito? Nakikilatis mo ba ito? Palagi mong hindi nauunawaan ang Diyos, ikinakategorya mo Siya kasama ng mga diyablong hari na namumuno sa mundo, binabantayan mo ang iyong puso laban sa Kanya, at palagi mong iniisip na Siya ay kasingmakasarili at kasingkasuklam-suklam ng mga tao. Hindi ka kailanman naniniwala na mahal Niya ang sangkatauhan, at hindi ka kailanman naniniwala sa Kanyang sinseridad sa pagliligtas sa sangkatauhan. Kung palagi mong itinuturing ang iyong sarili bilang isang tagapagserbisyo at natatakot kang maitiwalag pagkatapos mong magserbisyo, taglay mo ang mapanlinlang na pag-iisip ng mga hindi mananampalataya. Ang mga walang pananampalataya ay hindi nananalig sa Diyos dahil hindi nila inaamin na mayroong Diyos, o na ang salita ng Diyos ang katotohanan. Yamang nananampalataya ka sa Diyos, bakit hindi ka nananalig sa Kanya? Bakit hindi mo inaamin na ang salita ng Diyos ang katotohanan? Ayaw mong gawin ang iyong tungkulin, at hindi ka dumaranas ng mga paghihirap upang isagawa ang katotohanan, at dahil dito, hindi mo pa rin nakakamit ang katotohanan, sa kabila ng iyong maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, at sa kabila ng lahat ng iyon, ang Diyos ang sinisisi mo sa huli, at sinasabi mo na hindi ka Niya paunang itinadhana, na hindi Siya naging sinsero sa iyo. Anong problema iyan? Hindi mo nauunawaan ang mga ninanais ng Diyos, hindi ka naniniwala sa Kanyang mga salita, at sa paggawa ng iyong tungkulin, hindi mo isinasagawa ang katotohanan at hindi ka deboto. Paano mo matutugunan ang mga layunin ng Diyos? Paano mo makakamit ang gawain ng Banal na Espiritu at mauunawaan ang katotohanan? Ang ganitong mga tao ay ni hindi kalipikado na maging mga tagapagserbisyo, kaya paano sila magiging karapat-dapat na makipagtransaksyon sa Diyos? Kung iniisip mo na hindi matuwid ang Diyos, bakit ka naniniwala sa Kanya? Palagi mong nais na sabihin sa iyo ng Diyos nang personal, “Ikaw ay bahagi ng mga tao ng kaharian; hindi ito magbabago kailanman” bago mo igugol ang iyong sarili para sa Kanyang sambahayan, at kung hindi Niya ito gagawin, hindi mo kailanman ibibigay sa Kanya ang iyong puso. Napakamapaghimagsik at matigas ang kalooban ng gayong mga tao! Nakikita Ko na napakaraming tao na hindi nagtutuon kailanman sa pagbabago ng kanilang mga disposisyon, lalo na sa pagsasagawa ng katotohanan. Nagtutuon lamang sila sa palagiang pagtatanong kung makapagkakamit ba sila ng isang magandang hantungan, kung paano sila tatratuhin ng Diyos, kung mayroon Siyang paunang pagtatadhana para sa kanila na maging Kanyang mga tao, at iba pang mga ganoong sabi-sabi. Paanong ang mga ganitong tao, na hindi nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain, ay matatamo ang katotohanan? Paano sila mananatili sa sambahayan ng Diyos? Ngayon, taimtim Kong sinasabi sa inyo: Bagama’t ang isang tao ay maaaring paunang itinadhana, kung hindi niya kayang tanggapin ang katotohanan at isagawa ito upang makamit ang pagpapasakop sa Diyos, ang maitiwalag ang kanyang magiging pangwakas na kinalalabasan. Ang mga tao lamang na taos-pusong ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos, at isinasagawa ang katotohanan nang buong lakas, ang makakaligtas at makakapasok sa kaharian ng Diyos. Bagama’t maaaring nakikita sila ng iba bilang mga taong hindi paunang itinadhanang manatili, magkakaroon sila ng mas mabuting hantungan kaysa sa mga taong diumano’y paunang itinadhana ngunit hindi kailanman nagkaroon ng katapatan sa Diyos, dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Naniniwala ka ba sa mga salitang ito? Kung hindi mo kayang paniwalaan ang mga salitang ito at patuloy kang mapagmatigas na lumilihis sa landas, sinasabi Ko sa iyo na siguradong hindi ka makaliligtas, dahil sadyang hindi ka isang tao na may tunay na pananampalataya sa Diyos o pagmamahal sa katotohanan. Yamang ganito, hindi mahalaga ang paunang pagtatadhana ng Diyos. Sinasabi Ko ito dahil sa bandang huli, pagpapasyahan ng Diyos ang mga kalalabasan ng mga tao ayon sa kanilang mga pagpapamalas at pag-uugali, samantalang ang paunang pagtatadhana ng Diyos ay maliit na papel lamang ang obhetibong ginagampanan, hindi isang pangunahing papel. Nauunawaan mo ba ito?
Sinasabi ng ilang tao: “Masama ang aking disposisyon at hindi ko iyon kayang baguhin, gaano ko man iyon hangarin. Kaya hahayaan ko na lamang kung ano ang mangyayari. Kung hindi ako magtagumpay sa aking hangarin, wala akong magagawa.” Lubhang negatibo ang gayong mga tao, kaya nawalan na sila ng pag-asa sa kanilang sarili. Hindi na matutubos ang mga taong ito. Nagsikap ka na ba? Kung talagang nagsikap ka, at handa kang dumanas ng hirap, bakit hindi mo magawang maghimagsik laban sa laman? Wala ka bang puso at utak? Paano ka nagdarasal bawat araw? Hindi mo ba hahanapin ang katotohanan at magtitiwala sa Diyos? Para sa iyo, ang ibig sabihin ng maghintay kung ano ang mangyayari ay pasibong maghintay, hindi aktibong makipagtulungan. Ang hayaan na lamang kung ano ang mangyayari nang ganoon ay kahalintulad ng pagsasabing, “Wala akong kailangang gawin; ang lahat ay paunang itinadhana ng Diyos.” Ito ba talaga ang layunin ng Diyos? Kung hindi, bakit hindi ka magpasakop sa gawain ng Diyos, at sa halip ay palagi kang nagiging negatibo at hindi mo magawang gampanan ang iyong tungkulin? Kapag nakagawa ng maliit na pagsalangsang, ipinagpapalagay ng ilang tao na: “Ibinunyag at itiniwalag na ba ako ng Diyos? Hahampasin ba Niya ako?” Naparito ang Diyos para gumawa sa pagkakataong ito hindi upang hampasin ang mga tao, kundi upang iligtas sila, sa pinakamataas na antas na posible. Walang sinuman na walang pagkakamali—kung nahampas ang lahat ng tao, magiging pagliligtas ba iyon? Ang ilang pagsalangsang ay ginagawa nang sadya, samantalang ang iba ay hindi sinasadya. Kung kaya mong magbago pagkatapos mong malaman ang mga bagay na ginagawa mo nang hindi mo sinasadya, hahampasin ka ba ng Diyos bago mo iyon magawa? Ililigtas ba ng Diyos ang mga tao sa ganoong paraan? Hindi Siya ganoon gumawa! Mayroon ka mang mapaghimagsik na disposisyon o kumilos ka man nang hindi sinasadya, tandaan mo ito: Dapat kang magnilay-nilay at kilalanin ang iyong sarili. Itama mo ang iyong sarili, kaagad, at magpunyagi ka nang buong lakas mo para sa katotohanan—at, anumang sitwasyon ang dumating, huwag kang mawalan ng pag-asa. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay ang pagliligtas ng tao, at hindi Niya basta-bastang hahampasin ang mga taong nais Niyang iligtas. Tiyak ito. Kahit may isa ngang mananampalataya sa Diyos na Kanyang hinampas sa huli, garantisado pa rin na ang ginawang iyon ng Diyos ay matuwid. Pagdating ng panahon, ipapaalam Niya sa iyo ang dahilan kaya Niya hinampas ang taong iyon, para lubos kang makumbinsi. Sa ngayon, pagsikapan mo lang ang katotohanan, pagtuunan ang buhay pagpasok, at hangarin na tuparin nang maayos ang iyong tungkulin. Walang pagkakamali rito! Paano ka man pakitunguhan ng Diyos sa huli, sigurado itong matuwid; hindi ka dapat magduda rito at hindi mo kailangang mag-alala. Kahit na hindi mo nauunawaan ang pagiging matuwid ng Diyos sa ngayon, darating ang araw na ikaw ay makukumbinsi. Gumagawa ang Diyos nang makatarungan at marangal; hayagan Niyang ibinubunyag ang lahat ng bagay. Kung maingat ninyo itong pagbubulayan, taos-puso ninyong mararating ang konklusyon na ang gawain ng Diyos ay ang iligtas ang mga tao at baguhin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Dahil ang gawain ng Diyos ay para baguhin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, imposibleng walang mga pagbubunyag ng katiwalian ang mga tao. Sa mga pagbubunyag lamang na iyon ng tiwaling disposisyon na makikilala ng mga tao ang kanilang sarili, at maaamin na mayroon silang tiwaling disposisyon, at magiging handang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos. Kung walang tatanggaping anumang katotohanan ang mga tao matapos magbunyag ng tiwaling disposisyon, at patuloy silang mamumuhay ayon sa kanilang tiwaling disposisyon, malamang na masasalungat nila ang disposisyon ng Diyos. Magsasagawa ng iba’t ibang antas ng pagpaparusa ang Diyos sa kanila, at pagbabayaran nila ang kanilang mga pagsalangsang. Kung paminsan-minsan ay nagiging talipandas ka nang hindi mo namamalayan, at tinutukoy iyon sa iyo ng Diyos at pinupungusan ka, at nagbabago ka at nagpapakabuti, hindi ito panghahawakan ng Diyos laban sa iyo. Ito ang normal na proseso ng pagbabago ng disposisyon, at ang tunay na kabuluhan ng gawain ng pagliligtas ay ipinapakita sa prosesong ito. Ito ang susi. Bilang halimbawa, sa isyu ng mga hangganan sa pagitan ng mga kasarian, sabihin nating naaakit ka sa isang tao, palaging naghahanap ng pagkakataon upang makipag-usap sa kanya, nagsasabi ng mga mapang-akit na salita sa kanya. Kalaunan, pag-iisipan mo, “Hindi ba’t ito ay imoral na pag-uugali? Hindi ba’t isa itong kasalanan? Hindi ba’t ito ay pagbibigay-kahihiyan sa Diyos, ang hindi panatilihing malinaw ang hangganan sa pagitan ng mga kasarian? Paano ko nagawa ang ganitong bagay?” Matapos mo itong mapagtanto, magmamadali kang humarap sa Diyos at mananalangin, “Oh, Diyos! Ako ay nagkasalang muli. Ito ay pangit at tunay na kahiya-hiya. Kinamumuhian ko ang tiwaling laman. Nawa’y disiplinahin Mo ako at parusahan.” Nagiging determinado ka na lumayo sa ganoong mga bagay sa hinaharap, at hindi na makipag-ugnayan sa kasalungat na kasarian nang mag-isa. Hindi ba iyon ay magiging pagbabago? At matapos mong magbago nang ganoon, ang iyong mga nakaraang masasamang pag-asal ay hindi na kokondenahin. Kung makikipag-usap ka sa isang tao at aakitin mo siya, at hindi mo iisipin na ito ay isang kahiya-hiyang bagay, lalo pa’t kung hindi mo kamumuhian ang iyong sarili, babalaan ang iyong sarili, hindi ka magiging determinadong maghimagsik laban sa laman, o hindi mo aaminin at pagsisisihan ang iyong mga kasalanan sa Diyos, maaari kang magpatuloy na gumawa ng marami pang mga maling gawa, at lalala nang lalala ang mga bagay, na hahantong sa iyo na magkasala. Kung gagawin mo ito, ikokondena ka ng Diyos. Kung paulit-ulit kang magkakasala, iyon ay sadyang pagkakasala. Kinokondena ng Diyos ang sadyang pagkakasala, at ang sadyang pagkakasala ay hindi na matutubos. Kung talagang nagbubunyag ka ng isang tiwaling disposisyon nang hindi mo sinasadya, at kung kaya mong tunay na magsisi, maghimagsik laban sa laman, at magsagawa ng katotohanan, hindi ka ikokondena ng Diyos dahil dito, at maaari ka pa ring maligtas. Ang gawain ng Diyos ay naglalayong iligtas ang tao, at dapat tanggapin ng isang taong nagbubunyag ng kanyang tiwaling disposisyon na siya ay pupungusan, hahatulan, at kakastiguhin. Hangga’t kaya niyang tanggapin ang katotohanan, magsisi, at magbago, hindi ba’t natugunan na nito ang mga layunin ng Diyos? Ang ilang tao ay hindi tumatanggap sa katotohanan at palaging may mapagbantay na saloobin sa Diyos. Ang gayong mga tao ay walang buhay pagpasok, at sa huli, lahat sila ay mawawalan.
Tulad ng unang nabanggit, maaaring linisin sa isang pasada ang mga kaganapan sa nakaraan; maaaring halinhan ng hinaharap ang nakaraan; ang pagpaparaya ng Diyos ay walang-hangganan na tulad ng dagat. Subalit mayroon ding mga prinsipyo sa mga salitang ito. Hindi naman talaga lilinisin ng Diyos ang anumang kasalanang nagawa mo, gaano man iyon kalaki. Ginagawa ng Diyos ang lahat ng Kanyang gawain nang may mga prinsipyo. Noong araw, nagtakda ng isang atas administratibo na lumulutas sa isyung ito: Pinatatawad at pinawalang-sala ng Diyos ang lahat ng kasalanang nagagawa ng isang tao bago tanggapin ang Kanyang pangalan. Pero iba ang kaso para sa mga patuloy na nagkakasala matapos manalig sa Kanya: Ang taong isang beses na inulit ang isang pagkakasala ay binibigyan ng pagkakataong magsisi, samantalang ang mga taong inuulit ito nang dalawang beses o tumatangging magbago sa kabila ng paulit-ulit na pagsaway ay pinatatalsik, nang wala nang pagkakataon pang magsisi. Laging nagpaparaya ang Diyos sa mga tao hangga’t maaari sa Kanyang gawain. Dito, makikita na ang gawain ng Diyos ay talagang ang gawain ng pagliligtas sa mga tao. Gayunman, kung, sa huling bahaging ito ng gawain, gagawa ka pa rin ng mga pagkakasalang hindi maaaring mapatawad, hindi ka talaga matutubos, at hindi ka maliligtas. May proseso ang Diyos sa pagdadalisay at pagbabago ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao: Sa proseso ng palaging pagbubunyag ng tao ng kanyang tiwaling kalikasan na nakakamit ng Diyos ang Kanyang layunin na linisin at iligtas ang sangkatauhan. Iniisip ng ilang tao: “Yamang ito ang aking kalikasan, hayaan nang malantad ang lahat ng ito. Kapag nalantad na ito, malalaman ko iyon at isasagawa ko ang katotohanan.” Kailangan ba ang prosesong ito? Kung ikaw ay tunay na isang taong nagsasagawa ng katotohanan, at nagninilay-nilay ka sa iyong sarili kapag nakikita mo kung aling mga katiwalian ang nabubunyag sa iba at kung anong mga maling bagay ang kanilang ginawa, at kapag nakita mo ang parehong mga problema sa iyong sarili, agad mong itinatama at hindi na kailanman ginagawa ang mga iyon sa hinaharap, hindi ba’t ito ay hindi direktang pagbabago? O kung minsan ay nais mong gawin ang isang bagay ngunit napagtanto mo muna na ito ay mali, at kaya mong maghimagsik laban sa laman, hindi ba’t nakakamit din nito ang epekto ng pagdadalisay? Ang pagsasagawa ng katotohanan sa anumang aspekto ay kailangan ng pagdaan sa paulit-ulit na mga proseso. Hindi tuluyang mawawala ang isang tiwaling disposisyon pagkatapos isagawa ang katotohanan nang isang beses. Ang isang tao ay kailangang paulit-ulit na hanapin ang katotohanan, paulit-ulit na pungusan, ituwid at disiplinahin, at pati na rin hatulan at kastiguhin, bago lubusang malutas ang kanyang tiwaling disposisyon, upang siya ay hindi na ulit mahirapang isagawa ang katotohanan. Kung sa huli ay kayang isagawa ng isang tao ang katotohanan nang ganap na ayon sa mga layunin ng Diyos, at mayroon siyang tunay na pagpapasakop sa Diyos pagkatapos siyang pungusan, hatulan at kastiguhin, iyon ay isang pagbabago sa kanyang disposisyon.
Sipi 78
Sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, tinutukoy ng Diyos ang mga kalalabasan ng mga tao batay sa kanilang mga pagpapamalas. Alam ba ninyo kung ano ang tinutukoy ng mga “pagpapamalas” dito? Maaaring isipin ninyo na ito ay tumutukoy sa mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag ng mga tao habang gumagawa sila ng mga bagay-bagay, subalit hindi iyon ang aktuwal na tinutukoy nito. Ang mga pagpapamalas dito ay tumutukoy sa kung isinasagawa mo ba o hindi ang katotohanan; kung deboto ka ba o hindi habang ginagawa mo ang iyong tungkulin; ang iyong perspektiba sa likod ng pananampalataya sa Diyos, ang iyong saloobin tungkol sa Diyos, ang iyong kapasyahang dumanas ng mga paghihirap; ang iyong saloobin sa pagtanggap ng paghatol, pagkastigo, at pagpupungos; ang bilang ng malulubhang pagsalangsang na iyong nagawa; at ang lawak kung hanggang saan mo makakamit ang pagsisisi at pagbabago sa huli. Ang lahat ng ito, kapag pinagsama-sama, ang bumubuo sa iyong mga pagpapamalas. Ang mga pagpapamalas dito ay hindi tumutukoy sa kung gaano karaming tiwaling disposisyon ang naibunyag mo o sa kung gaano karaming masasamang bagay ang nagawa mo, kundi sa kung gaano karaming resulta ang nakamit mo at sa kung gaano kalaki ang totoong pagbabagong napagdaanan mo sa pananalig mo. Kung ang mga kalalabasan ng mga tao ay tinutukoy sa kung gaano karaming katiwalian sa kanilang kalikasan ang naibunyag, walang sinuman ang makakapagkamit ng kaligtasan, sapagkat ang lahat ng tao ay labis na tiwali, may satanikong kalikasan, at lumalaban sa Diyos. Nais ng Diyos na iligtas ang mga taong kayang tumanggap sa katotohanan at magpasakop sa Kanyang gawain. Gaano man karaming katiwalian ang kanilang ibinubunyag, hangga’t kaya nilang tanggapin sa huli ang katotohanan, kamtin ang tunay na pagsisisi, at sumailalim sa tunay na pagbabago, sila ay mga taong iniligtas ng Diyos. Ang ilang tao ay hindi ito makilatis at iniisip nilang ang sinumang nagsisilbing lider ay magbubunyag ng higit pang mga tiwaling disposisyon, at ang sinumang magbunyag ng higit pang katiwalian ay tiyak na ititiwalag at imposibleng makakaligtas. Tama ba ang pananaw na ito? Bagama’t ang mga lider ay nagbubunyag ng higit pang katiwalian, kung sila ay naghahangad sa katotohanan, kalipikado silang makaranas ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, matatahak nila ang landas ng pagiging naligtas at naperpekto, at sa huli ay makapagbibigay sila ng magandang patotoo para sa Diyos. Ito ang mga taong tunay na nagbago. Kung ang mga kinalalabasan ng mga tao ay tinutukoy batay sa kung gaano karami ang ibinubunyag nilang tiwaling disposisyon, kung gayon, ang nagsisilbing mga lider at manggagawa ay mas mabilis na mabubunyag. Kung ganito nga, sino ang mangangahas na maging lider o manggagawa? Sino ang aabot sa punto ng pagiging ginamit at ginawang perpekto ng Diyos? Hindi ba labis na katawa-tawa ang pananaw na ito? Pangunahing tinitingnan ng Diyos kung matatanggap at maisasagawa ng mga tao ang katotohanan, kung mapaninindigan nila ang kanilang patotoo, at kung sila ay tunay nang nagbago. Kung ang mga tao ay may tunay na patotoo at sumailalim na sa tunay na pagbabago, sila ay sinasang-ayunan ng Diyos. May ilang tao na tila nagbubunyag ng kaunting katiwalian, ngunit wala silang tunay na patotoong batay sa karanasan at hindi sila tunay na nagbago. Hindi sila sinasang-ayunan ng Diyos.
Tinutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng isang tao batay sa mga pagpapamalas at diwa nito. Dito, ang mga pagpapamalas ay tumutukoy sa kung ang isang tao ay tapat sa Diyos, kung siya ay may pagmamahal para sa Diyos, kung isinasagawa niya ang katotohanan, at ang antas ng pagbabago ng kanyang disposisyon. Tinutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng isang tao batay sa mga pagpapamalas na ito at sa diwa ng taong ito, hindi sa kung gaano nito ibinubunyag ang tiwaling disposisyon nito. Kung iniisip mo na tinutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng isang tao batay sa kung gaano karaming katiwalian ang ibinubunyag nito, mali ang pakahulugan mo sa mga layunin ng Diyos. Sa realidad, magkakapareho ang tiwaling diwa na taglay ng mga tao, at ang mga pagkakaiba lang ay kung ang kanilang pagkatao ay mabuti o masama, at sa kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan. Gaano mo man ibinubunyag ang iyong tiwaling disposisyon, ang Diyos ang pinakanakakaalam kung ano ang nasa kaibuturan ng iyong puso. Hindi mo ito kailangang itago. Pinagmamasdan ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Ito man ay isang bagay na ginagawa mo sa harap ng iba o nang hindi nila nakikita, o ito man ay isang bagay na nais mong gawin sa puso mo, ang lahat ng ito ay nakalantad sa harap ng Diyos. Paanong hindi namamalayan ng Diyos ang mga ginagawa ng mga tao nang patago? Hindi ba’t ito ay panlilinlang sa sarili? Ang totoo, gaano man kamapanlinlang ang kalikasan ng isang tao, gaano man karaming kasinungalingan ang sabihin niya, gaano man siya kahusay sa pagbabalatkayo at panlilinlang sa iba, alam na alam ng Diyos ang lahat ng ito. Kilalang-kilala ng Diyos ang mga lider at manggagawa, kaya hindi ba’t makikilala rin Niya nang lubos ang Kanyang mga ordinaryong tagasunod? Iniisip ng ilang tao, “Ang sinumang nagseserbisyo bilang isang lider ay hangal at mangmang at nagdudulot ng sarili niyang pagkawasak, sapagkat kapag ang isang tao ay nagseserbisyo bilang isang lider, hindi naiiwasang nagbubunyag siya ng katiwalian sa harap ng Diyos. Napakarami bang katiwalian ang mabubunyag kung hindi niya ginawa ang gawaing ito?” Napakakatawa-tawang ideya! Sa tingin mo ba ay hindi ka magbubunyag ng katiwalian kung hindi ka kikilos bilang isang lider? Ang hindi pagiging lider, kahit na nagbubunyag ka ng mas kaunting katiwalian, ay nangangahulugan ba na maliligtas ka? Batay sa argumentong ito, ang lahat ba ng mga hindi naglilingkod bilang mga lider ang siyang mananatiling buhay at maliligtas? Hindi ba’t ang pahayag na ito ay lubos na katawa-tawa? Ang mga taong naglilingkod bilang mga lider ay gumagabay sa mga hinirang ng Diyos upang kainin at inumin ang mga salita ng Diyos at upang maranasan ang gawain ng Diyos. Nakataas ang hinihinging pamantayang ito, kaya hindi maiiwasan na ang mga lider ay magbubunyag ng ilang tiwaling kalagayan kapag nagsisimula pa lang silang magsanay. Ito ay normal, at hindi ito kinokondena ng Diyos. Hindi lamang ito hindi kinokondena ng Diyos, kundi binibigyang-liwanag, tinatanglawan, at ginagabayan rin Niya ang mga taong ito, pinagkakalooban ang mga ito ng mga pasanin. Hangga’t kaya nilang magpasakop sa patnubay at gawain ng Diyos, mas mabilis silang uunlad sa buhay kaysa sa mga ordinaryong tao. Kung hinahangad nila ang katotohanan, matatahak nila ang landas ng pagpeperpekto ng Diyos. Ito ang bagay na pinakapinagpala ng Diyos. Hindi ito nakikita ng ilang tao, at binabaluktot pa nga ang mga katunayan. Ayon sa pagkaunawa nila, gaano man nagbabago ang mga tao sa mga namumunong papel, hindi ito titingnan ng Diyos, at titingnan lang Niya kung gaano karaming katiwalian ang ibinubunyag ng mga lider at manggagawa, at kokondenahin Niya sila batay lang dito; at para sa mga hindi lider at manggagawa, dahil kaunting katiwalian lamang ang ibinubunyag nila, kahit hindi sila magbago, hindi sila kokondenahin ng Diyos. Hindi ba’t ito ay katawa-tawa? Hindi ba’t ito ay kalapastanganan laban sa Diyos? Kung napakalubha mong nilalabanan ang Diyos sa puso mo, maliligtas ka ba? Hindi. Pangunahing tinutukoy ng Diyos ang mga kinalalabasan ng mga tao batay sa kung taglay nila ang katotohanan at tunay na patotoo, at ito ay pangunahing nakasalalay sa kung hinahangad nila ang katotohanan. Kung hinahangad ng isang tao ang katotohanan, kahit na sumalangsang siya at maharap sa paghatol at pagkastigo, kaya niyang tunay na magsisi. Hangga’t hindi siya nagsasalita o kumikilos sa mga paraang lumalapastangan sa Diyos, tiyak na makakamit niya ang kaligtasan. Ayon sa inyong mga imahinasyon, lahat ng ordinaryong mananampalataya na sumusunod sa Diyos hanggang sa wakas ay makakamit ang kaligtasan, habang ang mga nagsisilbing lider ay pawang ititiwalag. Kung kayo ay hihilingin na maging lider, iisipin ninyo na hindi magiging ayos na hindi ito gawin, ngunit kung kayo ay magsisilbing lider, patuloy kayong magbubunyag ng katiwalian nang hindi ninyo napipigilan. Mararamdaman ninyo na para kayong naghihintay na lang na mabitay. Hindi ba’t ito ay ganap na dulot ng inyong mga maling pagkaunawa sa Diyos? Kung ang mga kinalalabasan ng mga tao ay tinutukoy ng katiwaliang kanilang ibinubunyag, walang sinuman ang maliligtas. Kung ganoon nga, ano ang magiging silbi ng paggawa ng Diyos sa gawain ng pagliligtas? Kung ganito nga talaga, nasaan ang pagiging matuwid ng Diyos? Hindi makikita ng mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Samakatwid, lahat kayo ay mali ang pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, na nagpapakita na kayo ay walang tunay na pagkakilala sa Diyos.
Tinutukoy ng Diyos ang mga kinalalabasan ng mga tao batay sa kanilang mga pagpapamalas, at ang mga pagpapamalas dito ay tumutukoy sa mga resulta ng gawain ng Diyos sa kanila. Bibigyan kita ng isang analohiya para ilarawan ito. Sa isang halamanan, ang may-ari ay nagdidilig at nagpapataba ng kanyang mga puno, at pagkatapos ay naghihintay na anihin ang mga bunga ng mga ito. Ang mga punong namumunga ay mabubuting puno at pinananatili, habang ang mga hindi ay tiyak na hindi mabubuting puno at hindi maaaring panatilihin. Pag-isipan ito: Ang isang puno ay namumunga, ngunit ito ay nagkakaroon ng sakit, at ang ilang hindi magagandang sanga nito ay kailangang putulin. Sa tingin ba ninyo ay dapat panatilihin ang punong ito? Dapat itong panatilihin, at ito ay magiging maayos pagkatapos itong pungusan at gamutin. Pag-isipan ninyo ang isa pang sitwasyon: Ang isang puno ay walang sakit, ngunit hindi ito namumunga—ang gayong puno ay hindi dapat panatilihin. Ano ang ibig sabihin ng “namumunga” rito? Ito ay tumutukoy sa pagkakamit ng gawain ng Diyos ng mga resulta. Dahil nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga tao, hindi maiiwasan na ibunyag nila ang kanilang katiwalian at sumalangsang sila habang nararanasan ang gawain ng Diyos. Gayunman, kasabay nito, nagkakamit ng ilang resulta ang gawain ng Diyos sa kanila. Kung hindi titingnan ng Diyos ang mga resultang ito, at titingnan lamang Niya ang mga tiwaling disposisyon na ibinunyag ng mga tao, kung gayon, malabo nang pag-usapan ang pagliligtas sa mga tao. Ang mga resulta ng pagliligtas ay pangunahing naipamamalas sa paggampan ng mga tao sa kanilang mga tungkulin at sa kanilang pagsasagawa ng katotohanan. Tinitingnan ng Diyos ang mga resultang nakamit ng mga tao sa mga larangang ito, at saka kung gaano katindi ang kanilang mga pagsalangsang. Pagkatapos, tinutukoy Niya ang kanilang mga kalalabasan at kung mananatili ba sila o hindi batay sa kombinasyon ng dalawang aspektong ito. Halimbawa, noong araw ay maraming katiwaliang ibinunyag ang ilang tao at labis nilang isinaalang-alang ang kanilang laman. Ayaw nilang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at hindi rin nila itinaguyod ang mga interes ng iglesia. Gayunman, matapos makinig sa mga sermon nang ilang taon, talagang nagbago na sila. Alam na nila ngayong pagsikapan ang mga katotohanang prinsipyo sa paggampan ng kanilang mga tungkulin, at lalo silang nagiging mas epektibo sa kanilang mga tungkulin. Nagagawa rin nilang panigan ang Diyos sa lahat ng bagay, at ginagawa nila ang lahat para itaguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ipinapakita nito na nagbago na ang buhay disposisyon ng gayong mga tao, at ito ang pagbabagong gusto ng Diyos. Mayroon ding ilang tao na palaging ikinakalat ang kanilang mga kuru-kuro sa tuwing nagkakaroon sila ng mga ito, at napapanatag lamang sila kapag ang iba ay nagkaroon na rin ng mga kuru-kuro. Ngunit ngayon, kapag mayroon silang ilang kuru-kuro, nagagawa nilang magdasal sa Diyos, hanapin ang katotohanan, at magpasakop, nang hindi ipinagkakalat ang kanilang mga kuru-kuro o gumagawa ng anumang bagay para labanan ang Diyos. Hindi ba’t nakaranas na sila ng pagbabago? Ang ilang tao ay agad na nagiging mapanlaban sa tuwing pinupungusan sila ninuman noon, ngunit ngayon, kapag pinupungusan sila, nagagawa nilang tanggapin ito at kilalanin ang kanilang sarili, at pagkatapos ay talagang medyo nagbago na sila. Hindi ba’t isa itong resulta? Gayunman, gaano man kalaki ang iyong pagbabago, hindi maaaring ganap na wala kang maging mga pagsalangsang, at hindi ganap na magbabago ang iyong kalikasan sa isang iglap lamang. Kung may isang taong nagsimulang tumahak sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at nakakaalam kung paano hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, kung gayon, kahit na medyo mapaghimagsik siya, mapagtatanto niya ito sa oras na iyon. Pagkatapos niya itong mapagtanto, magmamadali siyang umamin at magsisi sa Diyos, at magbago, at ang kanyang kalagayan ay bubuti lamang nang bubuti. Maaaring makibahagi siya sa parehong uri ng paghihimagsik isa o dalawang beses, ngunit hindi nang ikatlo o ikaapat na beses. Ito ay pagbabago. Hindi sa nagbago na ang taong ito sa isang aspekto, kaya’t hindi na siya nagbubunyag ng katiwalian, at hindi na siya gumagawa ng anumang pagsalangsang. Hindi ito ang kaso. Ang pagbabagong ito ay nangangahulugan na, pagkatapos maranasan ang gawain ng Diyos, nagagawa ng isang tao na magsagawa ng higit na katotohanan, isagawa ang ilan sa mga hinihingi ng Diyos, gumawa ng pakaunti nang pakaunting mga pagsalangsang, at magbunyag ng papaunti nang papaunting katiwalian; at mababawasan nang mababawasan ang kalubhaan ng kanyang paghihimagsik. Mula rito ay malinaw na nagkamit na ng mga resulta ang gawain ng Diyos. Ang nais makita ng Diyos ay mga partikular na pagpapamalas na nakamit na ang mga resultang ito. Samakatwid, ang paraan ng pagtrato ng Diyos sa mga kinalalabasan ng mga tao o kung paano Niya tinatrato ang isang tao ay ganap na matuwid at makatwiran. Kailangan mo lamang ilagay ang lahat ng iyong pagsisikap sa paggugol ng iyong sarili para sa Diyos, at buong tapang at may kumpiyansang isagawa ang mga katotohanang dapat mong isagawa, nang walang pag-aalala, at hindi ka tatratuhin ng Diyos nang hindi patas. Pag-isipan ninyo ito: Maaari bang parusahan ng Diyos ang mga nagmamahal sa katotohanan at nagsasagawa nito? Maraming taong laging naghihinala sa matuwid na disposisyon ng Diyos, takot na parurusahan pa rin sila kahit pagkatapos nilang isagawa ang katotohanan. Natatakot sila na kahit pa nagpapakita sila ng katapatan sa Diyos ay hindi Niya ito makikita. Ang gayong mga tao ay walang kaalaman tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos.
Nagiging negatibo ang ilang tao matapos silang mapungusan. Ganap silang nawawalan ng lakas para gampanan ang kanilang mga tungkulin, at naglalaho rin ang kanilang katapatan. Bakit ganito? Isa itong napakalubhang problema. Ito ay kawalan ng abilidad na tanggapin ang katotohanan. Hindi tinatanggap ng gayong mga tao ang katotohanan, isang dahilan nito ay ang kawalan nila ng kaalaman tungkol sa kanilang mga tiwaling disposisyon, kaya hindi nila magawang tanggapin ang pagpupungos. Ito ay tinutukoy ng kanilang kalikasan na mayabang at palalo, at na walang pagmamahal sa katotohanan. Ang isa pang dahilan ay hindi nauunawaan ng mga tao ang kabuluhan ng pagpupungos. Naniniwala sila na nangangahulugan ang pagpupungos na natukoy na ang kanilang kalalabasan. Dahil dito, mali nilang pinaniniwalaan na basta’t tinatalikuran nila ang kanilang mga pamilya upang igugol ang kanilang sarili para sa Diyos, at mayroon silang kaunting katapatan sa Diyos, hindi sila dapat pungusan, at na kung pinungusan sila, hindi ito pag-ibig o pagiging matuwid ng Diyos. Ang ganoong uri ng maling pagkaunawa ay nagsasanhi na hindi magkaroon ng tapang ang maraming tao na maging tapat sa Diyos. Sa realidad, kapag tapos na ang lahat, iyon ay dahil ang mga tao ay masyadong mapanlinlang, sadyang ayaw magdusa ng mga hirap, at gusto lang magtamo ng mga pagpapala sa madaling paraan. Hindi man lang nauunawaan ng mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Hindi sila kailanman naniniwala na ang lahat ng pagkilos ng Diyos ay matuwid, o na ang Kanyang pakikitungo sa lahat ay matuwid. Hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan sa bagay na ito, kundi sa halip ay palagi silang gumagawa ng kanilang mga sariling argumento. Anumang masasamang bagay ang nagawa nila, gaano man kalaki ang mga kasalanang kanilang nagawa, o gaano man karami ang kanilang nagawang kasamaan, hangga’t ang paghatol at kaparusahan ng Diyos ay sumasapit sa kanila, iisipin nila na ang Langit ay hindi patas, at na ang Diyos ay hindi matuwid. Sa mga mata ng mga tao, kung ang mga kilos ng Diyos ay hindi naaayon sa kanilang mga pagnanais, o kung walang ipinapakitang pagsasaalang-alang ang Kanyang mga kilos sa kanilang mga damdamin, kung gayon Siya ay hindi matuwid. Gayumpaman, hindi kailanman nalalaman ng mga tao kung ang kanilang mga kilos ay naaayon sa katotohanan, ni hindi nila kailanman natatanto na lahat ng kanilang ginagawa ay isang pagkilos ng pagrerebelde at paglaban sa Diyos. Kung hindi kailanman pinungusan ng Diyos ang mga tao o sinaway sila dahil sa kanilang pagrerebelde anuman ang mga pagsalangsang na kanilang nagawa, at sa halip ay naging kalmado at malumanay sa kanila, na nagpaparaya lamang sa kanila nang may pagmamahal, at pinahintulutan Niya silang kumain at magsaya kasama Niya magpakailanman, kung gayon ang mga tao ay hindi magrereklamo tungkol sa Diyos o huhusgahan Siya na hindi matuwid. Sa halip, sasabihin nila nang may pagpapaimbabaw na ang Diyos ay matuwid. Kilala ba ng gayong mga tao ang Diyos? Maaari ba silang maging kaisa sa puso at isipan ng Diyos? Wala silang kamalay-malay na ang paghatol at pagpupungos ng Diyos ay para dalisayin at baguhin ang kanilang mga buhay disposisyon upang sila ay makapagpasakop at magmahal sa Kanya. Ang gayong mga tao ay hindi naniniwala na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos. Sa tuwing sinasaway, inilalantad, at pinupungusan sila ng Diyos, sila ay nagiging negatibo at mahina, palaging nagrereklamo na ang Diyos ay hindi mapagmahal at na mali ang paghatol at pagkastigo ng Diyos sa tao, at hindi nila makita na ito ay pagdadalisay at pagliligtas ng Diyos sa tao, at hindi sila naniniwala na tinutukoy ng Diyos ang mga kalalabasan ng mga tao batay sa kanilang mga pagpapamalas ng pagsisisi. Palagi silang naghihinala sa Diyos at mapagbantay laban sa Kanya. Ano ang magiging resulta nito? Magagawa ba nilang magpasakop sa gawain ng Diyos? Magagawa ba nilang makamit ang tunay na pagbabago? Imposible ito. Kung nananatiling hindi nalulutas ang kalagayan nilang ito, sila ay malalagay sa malubhang panganib, at magiging imposible para sa kanila na madalisay at magawang perpekto ng Diyos.