Mga Salita sa Iba Pang Paksa
Sipi 79
Ano ang inyong mga impresyon pagkatapos ninyong kantahin ang himno na “Siya Na May Kapangyarihan sa Lahat”? Mayroon ba kayong anumang kabatiran? Dumaan sa maraming paghihirap ang lahat ng nabuhay, pero hindi talaga nila alam kung bakit ganito, at walang sinumang lubusang nagninilay-nilay kung ano ang ugat ng mga paghihirap na ito, kung may kabuluhan ba ito, o kung tama ba na mabuhay nang ganito ang mga tao. Kapag bata pa sila, palaging gusto ng mga tao na magkaroon ng magagandang damit na isusuot at masasarap na pagkain, at pakiramdam nila na ito ang paraan para maging masaya. Kapag lumaki na sila, nagsisimula nang mag-isip ang mga tao kung paanong kailangan nilang magpursigi sa kanilang pag-aaral para makaangat sa karamihan at magtamasa ng magandang buhay. Kapag sila ay nasa hustong gulang na, ang mga tao ay nagsisimula nang magnais na kumita ng maraming pera, magkamit ng katanyagan at kapakinabangan, at magkaroon ng kapangyarihan at impluwensya. Gusto nilang maging angat sa lahat. Palagi silang naghahangad na magkaroon ng posisyon sa gobyerno at makuha ang respeto at paghanga ng mga tao. Kapag sila ay nagkaroon ng mga anak, umaasa silang tuloy-tuloy na magtatagumpay ang kanilang mga inapo sa mga darating na henerasyon at patuloy na uunlad at lalago. Ano ang layunin sa likod ng lahat ng hakbang na ito na tinatahak ng mga tao? Bakit ganito mag-isip ang mga tao? Bakit silang lahat ay nabubuhay nang ganito? Nabubuhay ang mga tao nang walang patutunguhan. Bakit ko sinasabing walang patutunguhan? Ito ay dahil hindi alam ng mga tao kung saan sila nagmula o kung saan sila patungo, at hindi nila alam kung ano ang dapat nilang gawin sa buhay na ito, kung paano sila dapat mamuhay, o kung paano tatahakin ang landas ng kanilang buhay. Hindi alam ng mga tao ang mga bagay na ito. Kung gayon bakit kaya pa rin ng mga tao na walang pagod na habulin ang katanyagan, kapakinabangan, at masayang buhay hanggang sa kamatayan nang walang pag-aalinlangan? Ito ay dahil ang mga tao ay ginawang tiwali ni Satanas, at nakabuo sila ng maling pag-iisip at pananaw sa buhay. Ang tingin nila sa ganitong paraan ng pamumuhay ay isang bagay na tama, at ang tingin nila sa paghahabol sa katanyagan at kapakinabangan ay tama at nararapat. Iniisip nila na ang pagkakamit ng katanyagan at kapakinabangan ay kaligayahan, at nabubuhay sila ayon sa mga paniniwalang ito. Ganito nakikipag-unahan ang mga tao sa landas ng paghahangad ng katanyagan at kapakinabangan, at ang resulta ay hindi nila natatagpuan ang kaligayahan kahit hanggang kamatayan. Ganito namumuhay ang lahat. Walang ibang matatahak na landas sa mundong ito. Ang lahat ay gustong kumita ng pera at magtamasa ng magandang buhay. Mahirap ang buhay kapag walang pera, at marami kang magagawa rito, kaya gusto ng lahat na kumita nang higit pa. Kapag naging maunlad ang buhay, gusto nilang hawakan ang kanilang kayamanan at ipagpatuloy ng kanilang mga anak ang kanilang pamana, at walang sinuman ang nakakaunawa na hungkag ang ganitong pamumuhay. Lumilisan ang lahat sa mundong ito nang may mga pinagsisisihan, may mga tanong na hindi nasagot, at may damdamin ng pag-aatubili. Dumaraan ang mga tao sa buhay na ito sa kahirapan at kayamanan at nabubuhay nang matagal at maigsi. Ang ilan ay karaniwang tao, habang ang iba naman ay matataas ang katungkulan at elitista. Mayroong mga tao mula sa bawat antas ng lipunan, ngunit lahat sila ay karaniwang nabubuhay sa parehong paraan: Nag-aagawan sila para sa katanyagan at kapakinabangan ayon sa kanilang mga pagnanais, ambisyon, at satanikong disposisyon, at hindi sila matatahimik nang hindi nila nakakamit ang mga layong ito. Sa mga pangyayaring ito, maaaring isaalang-alang ng mga tao, “Bakit namumuhay nang ganito ang mga tao? Wala na bang ibang matatahak na landas? Talaga bang nabubuhay ang mga tao para lamang kumain at uminom nang maayos hanggang sa mamatay sila? Saan sila pumupunta pagkatapos? Bakit ang napakaraming henerasyon ng mga tao ay namuhay sa ganitong parehong paraan? Ano ang ugat ng lahat ng ito?” Hindi alam ng mga tao kung saan sila nagmula, ano ang kanilang misyon sa buhay, o kung sino ang namamahala at siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng ito. Ang mga henerasyon ay isa-isang dumarating at umaalis, at bawat isa ay nabubuhay at namamatay sa parehong paraan. Dumarating at umaalis silang lahat sa parehong paraan, at walang sinuman ang nakatatagpo ng tunay na paraan at landas sa pamumuhay. Walang naghahanap ng katotohanan dito. Mula noong unang panahon hanggang ngayon, namumuhay ang mga tao sa parehong paraan. Silang lahat ay naghahanap at naghihintay, nagnanais na makita kung ano ang mangyayari sa sangkatauhan nang walang nakakaalam o nakakakita nito. Sa huli, hindi lang talaga alam ng mga tao kung sino ang Nag-iisa na namamahala at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng ito o kung Siya ay umiiral nga. Hindi nila alam ang sagot dito, at ang tanging magagawa nila ay mabuhay nang walang laban, nag-aasam taon-taon, at nagtitiis araw-araw hanggang ngayon. Kung alam ng mga tao kung bakit nangyayari ang lahat ng ito, magbibigay ba ito sa kanila ng isang landas na susundan para sa kung paano sila dapat mamuhay? Magagawa na ba nilang makatakas sa paghihirap na ito at hindi na kailangang mamuhay ayon sa mga inaasam at inaasahan ng tao? Kapag nauunawaan ng mga tao kung bakit sila nabubuhay, bakit sila namamatay, at sino ang namamahala sa mundong ito; kapag naunawaan nila ang sagot na ang Nag-iisa na siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ay ang Lumikha, magkakaroon sila ng landas na susundan. Malalaman nila na dapat nilang hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos para makakita ng daan pasulong at na hindi nila kailangang mamuhay sa gayong pagdurusa na umaasa sa mga kagustuhan at inaasam. Kung matutuklasan ng mga tao ang sagot kung bakit sila nabubuhay at namamatay, hindi ba’t magkakaroon ng solusyon sa lahat ng pagdurusa at paghihirap ng tao? Hindi ba’t magkakaloob ito ng pagliligtas sa mga tao? Ang mga tao ay tunay na makatatagpo ng pagliligtas, at sila ay ganap na mapapalaya.
Ano ang dapat ninyong pagnilay-nilayan sa inyong puso matapos ninyong mapakinggan ang kantang, “Siya Na May Kapangyarihan sa Lahat”? Kung malalaman ng sangkatauhan kung bakit sila nabubuhay at bakit sila namamatay, at sino, sa katunayan, ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa mundong ito at sa lahat ng bagay at ang Nag-iisa na namumuno sa lahat, at kung nasaan Siya mismo, at kung ano ang hinihingi Niya sa tao—kung mauunawaan ng sangkatauhan ang mga bagay na ito, malalaman nila kung paano pakikitunguhan ang Lumikha, at paano sasamba at magpapasakop sa Kanya, magkakamit sila ng suporta sa kanilang puso, magiging payapa sila at masaya, at hindi na sila mabubuhay sa gayong pighati at pasakit. Sa huling pagsusuri, dapat maunawaan ng mga tao ang katotohanan. Ang landas na kanilang pinipili para sa kanilang buhay ay napakahalaga, at mahalaga rin kung paano sila nabubuhay. Kung paano nabubuhay ang isang tao at ang landas na tinatahak niya ang nagpapasya kung ang buhay ng isang tao ay masaya o malungkot. Ito ay isang bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Kapag narinig ng mga tao ang himnong ito, maaaring magkaroon sila ng matinding damdamin sa kanilang puso: “Ang buhay ng lahat ng sangkatauhan ay sumusunod sa ganitong uri ng huwaran; ang mga sinaunang tao ay hindi naiiba, at ang mga modernong tao ay tulad lang din ng mga sinauna. Hindi binago ng mga modernong tao ang mga paraang ito. Kaya, mayroon bang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa sangkatauhan, isang bantog na Diyos na namamahala sa lahat ng bagay? Kung matatagpuan ng sangkatauhan ang Diyos, ang Nag-iisa na namamahala sa lahat, hindi ba't ang sangkatauhan ay makadarama ng kaligayahan? Ang susi ngayon ay hanapin ang ugat ng sangkatauhan. Nasaan ang ugat na ito? Pagkakita sa ugat na ito, ang sangkatauhan ay maaaring mamuhay sa ibang uri ng dako. Kung hindi ito makikita ng sangkatauhan, at patuloy nilang ipinamumuhay ang parehong uri ng pamumuhay gaya ng dati, makakamit ba nila ang kaligayahan?” Kung ang mga tao ay hindi nananalig sa Diyos, kahit na alam nilang ang sangkatauhan ay labis na tiwali, ano ang kanilang gagawin? Malulutas ba nila ang aktuwal na problema ng katiwalian? Mayroon ba silang landas tungo sa kaligtasan? Bagama’t maaaring nais mong magbago para sa ikabubuti at ipamuhay ang wangis ng tao, kaya mo ba? Wala kang landas na matatahak sa paggawa nito! Nabubuhay ang ilang mga tao, halimbawa, para sa kanilang mga anak; maaari mong sabihin na hindi mo nais gawin ito, ngunit makakamit mo ba ito? Nagmamadali at abala ang ilang tao para sa kayamanan, at para sa katanyagan at kapakinabangan. Maaari mong sabihin na hindi mo gustong magmadali para sa mga bagay na ito, ngunit makakamit mo ba talaga ito? Hindi mo namamalayan, nagsimula ka na sa landas na ito, at kahit na gusto mong magbago sa ibang paraan ng pamumuhay, hindi mo kaya. Kung paano ka nabubuhay sa mundong ito ay wala sa iyong mga kamay! Ano ang ugat nito? Ito ay dahil ang mga tao ay hindi nananalig sa tunay na Diyos at hindi nila nakamtan ang katotohanan. Ano ang nagbibigay-lakas sa espiritu ng tao? Saan sila naghahanap ng espirituwal na suporta? Para sa espirituwal na suporta, tumitingin ang mga tao sa muling pagsasama-sama ng pamilya; sa kaligayahan ng kasal; sa pagtatamasa ng mga materyal na bagay; sa kayamanan, katanyagan, at pakinabang; sa kanilang katayuan, kanilang mga damdamin, at kanilang mga karera; at sa kaligayahan sa susunod na henerasyon. Mayroon bang hindi umaasa sa mga bagay na ito para sa espirituwal na suporta? Natatagpuan ito ng mga may anak sa kanilang mga anak; natatagpuan ito ng mga walang anak sa kanilang mga karera, sa pag-aasawa, sa katayuan sa lipunan, at katanyagan at kapakinabangan. Ang mga paraan ng buhay na nagawa samakatuwid ay pare-parehong lahat; napapasailalim sa kadalubhasaan at kapangyarihan ni Satanas, at sa kabila ng kanilang mga sarili, nagmamadali at abala ang lahat ng tao sa ngalan ng katanyagan, pakinabang, kanilang mga inaasam, mga karera, mga pag-aasawa, mga pamilya, o para sa kapakanan ng susunod na henerasyon, o para sa mga pisikal na kasiyahan. Ito ba ang tamang landas? Gaano man kaabala ang mga tao sa mundong ito, gaano man sila naging matagumpay sa kanilang propesyon, gaano man kasaya ang kanilang mga pamilya, gaano man kalaki ang kanilang pamilya, gaano man kaprestihiyoso ang kanilang katayuan—may kakayahan ba silang tahakin ang tamang landas ng buhay ng tao? Sa paghahabol sa katanyagan at pakinabang, sa mundo, o sa pagpupursigi sa kanilang mga karera, may kakayahan ba silang makita ang katotohanan na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay at Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan? Imposible ito. Kung hindi kinikilala ng mga tao ang katotohanan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan, anuman ang kanilang partikular na paghahangad o landas, ang landas na kanilang tinatahak ay mali. Hindi ito ang tamang landas, kundi ang baluktot na landas, ang landas ng kasamaan. Hindi mahalaga kung nagtamo ka ng kasiyahan mula sa iyong espirituwal na suporta, o kung hindi, at hindi mahalaga kung saan mo natatagpuan ang suportang iyon: Hindi ito tunay na pananampalataya, at hindi ito ang tamang landas para sa buhay ng tao. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng tunay na pananampalataya? Ito ay ang pagtanggap sa pagpapakita at sa gawain ng Diyos at pagtanggap sa lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos. Ang katotohanang ito ay ang tamang landas para sa buhay ng tao at ang katotohanan at buhay na dapat hangarin ng mga tao. Ang pagtahak sa tamang landas sa buhay ay pagsunod sa Diyos at pagkakaroon ng kakayahang maunawaan ang katotohanan sa pamumuno ng Kanyang mga salita, ang maunawaan ang katotohanan, malaman kung ano ang mabuti at ano ang masama, malaman kung ano ang positibo at kung ano ang negatibo, at maunawaan ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at kapangyarihang walang-hanggan. Kapag tunay na nauunawaan ng mga tao sa kanilang puso na hindi lamang nilikha ng Diyos ang langit at lupa at lahat ng bagay kundi Siya rin ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa sansinukob at sa lahat ng bagay, magagawa nilang sundin ang lahat ng Kanyang pamamatnugot at pagsasaayos, mamuhay ayon sa Kanyang mga salita, at matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Ito ang pagtahak sa tamang landas para sa buhay ng tao. Kapag tinatahak ng mga tao ang tamang landas sa buhay, mauunawaan nila kung bakit nabubuhay ang mga tao at kung paano sila dapat mamuhay upang mabuhay sa liwanag at matanggap ang pagpapala at pagsang-ayon ng Diyos.
Para saan kayo nabubuhay ngayon? Nauunawaan ba ninyo? (Nabubuhay kami para tapusin ang mga misyon at ipinagkatiwala sa amin ng Diyos at para tuparin ang tungkulin ng mga nilikha.) Kung gusto mong tuparin ang tungkulin ng isang nilikha at tapusin ang ipinagkatiwala ng Diyos, ito ay pansarili mong pagnanais at ang landas ng buhay na iyong pinili, at ito ay tama. Ngunit mayroong isang katotohanan na dapat mong malaman: Ang mga tao ay nabubuhay sa mundong ito, at ito ay isinaayos ng Diyos. Ang lahat ng tao ay dumarating sa mundo nang may misyon. Hindi sila basta na lang dumarating; ang lahat ng ito ay pinamamahalaan, isinasaayos, at pinamamatnugutan ng Diyos nang walang kahit katiting na pagkakamali. Sa pagdating ng lahat sa mundo, ang anumang kanilang natututunan o ginagawa ay lahat para magampanan ang papel dito. Ano ang papel na ito? Ito ay na dapat nilang tapusin ang isang gawain sa mundong ito; may mga bagay na dapat nilang gawin. Halimbawa, nagpakasal ang dalawang tao at nagkaroon sila ng isang anak, at silang tatlo ang bumubuo ng isang kumpletong pamilya. Sa pamilyang ito, nabubuhay ang asawang babae para tuparin ang kanyang misyon na alagaan ang kanyang anak at asawa, ang alagaan ang pamilya. Para saan nabubuhay ang bata kung gayon? Ano ang papel ginagampanan nito? Bilang tagapagmana ng pamilya, siya ang magpapatuloy ng kanilang angkan. Siya ang susunod na henerasyon ng pamilyang ito. Kumpleto ang pamilyang ito dahil dumating ang batang ito, at ito ang unang papel na kanyang ginagampanan. Lalaki man siya o babae, may sarili siyang misyon. Tungkol naman sa kanyang tadhana sa hinaharap, sa kung ano ang kanyang magiging mga akademikong kredensyal, kasanayan, o propesyon paglaki niya, o kung kailan siya mananalig sa Diyos at kung anong tungkulin ang kanyang gagampanan pagkatapos, hindi ba’t ang bawat isa sa mga hakbang na ito ay pinlano at isinaayos ng Diyos? (Oo.) Siya ba mismo ay may pagpipilian? (Wala.) Mula nang isinilang ang isang tao sa isang pamilya, wala ni isang hakbang ng kanyang kapalaran ang pinili niya, at ang lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Ang lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos, at mayroong katotohanan dito. Tumutukoy ito sa kung para saan nabubuhay ang mga tao. Halimbawa, kung nag-aaral ka ng musika at mayroon kang mga kondisyon at kapaligiran ng pamilya para rito, ang pag-aaral ba ng musika ay isang bagay na pinili mo? (Hindi.) Isinilang ka sa kapaligirang ito, natutunan mo ang isang propesyonal na kasanayan sa pamamagitan ng pagtataguyod sa iyo ng kapaligirang ito, at naisakatuparan mo ang misyong ito. Ano ang nagbigay ng kakayahan sa iyo upang maisakatuparan ito? Ito ay dahil itinakda ito ng Diyos, hindi dahil pinili mo ito. Hindi ba’t nagawa ito sa pamamagitan ng pamamatnugot ng Lumikha? Sa paggawa mo sa iyong tungkulin ngayon at pagsasagawa ng kung ano ang iyong nalalaman at natutunan ukol dito, sino ang nagpasya nito? (Ang Diyos.) Ang Diyos ang nagpasya nito, hindi ikaw. Sa obhetibong pananalita, para kanino ka nabubuhay ngayon? (Nabubuhay kami para sa Diyos.) Pareho ito sa bawat tao sa realidad. Nabubuhay silang lahat alang-alang sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, alam man nila ito o hindi at namamalayan man nila ito o hindi. Ang mga tao ay parang mga piyesa sa isang laro. Kung saan ka ilalagay ng Diyos, kung ano ang ipagagawa Niya sa iyo, at kung gaano katagal ka Niya pananatilihin sa isang lugar, ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng Kanyang pamamatnugot. Pagdating naman sa pamamatnugot ng Diyos, ang totoo, ang mga tao ay nabubuhay lahat para sa layunin ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos at para sa Kanyang pamamahala, at hindi sila ang may kontrol. Gaano ka man kahusay o kagaling, hindi ka maaaring lumampas sa tadhanang itinakda ng Diyos para sa iyo. Walang sinuman ang maaaring mabuhay nang lampas sa mga limitasyong ito o lumabas sa tadhana at sa buhay na itinakda at isinaayos para sa kanya ng Lumikha. Ang totoo, ang lahat ng ito ay mga bagay na hindi nalalaman ng mga tao, at hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy sila sa ilalim ng pamamatnugot at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos nang hindi nila namamalayan at nang hindi boluntaryo. Sa obhetibong pagtingin, ano ang naintindihan na ng mga tao? (Ang kanilang buhay at kamatayan ay wala sa kanilang pagpapasya kundi nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at pamamatnugot ng Diyos.) (Hindi sila dapat magtangkang maging tagapangasiwa ng sarili nilang kapalaran, at dapat silang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos.) Ikaw ay lalago kung makikita mo ito sa ganitong paraan. Anong mga katotohanan ang dapat mong maunawaan upang makapagpasakop ka sa Diyos? Sa anumang uri ka man ng pamilya ipinanganak at paano man ang mga bagay na gaya ng kakayahan mo, talino mo, at mga kaisipan mo, ang tadhana mo at ang lahat ng bagay tungkol sa iyo ay nasa ilalim ng pamamatnugot ng Diyos. Wala kang kapangyarihan dito. Ito ang landas na dapat piliin ng mga tao: ang unawain kung paanong isinaayos ng Diyos ang lahat ng sa iyo, kung paano Niya ito ginagabayan, kung paano Niya ito gagabayan sa hinaharap; ang hangaring maunawaan ang mga pagnanais at layunin ng Diyos; at pagkatapos ay mamuhay sa takbo ng tadhana na pinamamahalaan at pinamamatnugutan ng Lumikha. Hindi ito pakikipagpaligsahan, pakikipag-agawan, o pagsunggab sa mga bagay-bagay. Hindi ito tungkol sa pagsisiyasat o paglaban sa mga pagnanais ng Lumikha; hindi ito tungkol sa pagsisiyasat o pagsalungat sa lahat ng ito na isinaayos ng Diyos para sa iyo. Hindi ba’t ginagawa nitong tama at wasto ang iyong pamumuhay? Ito ang tumatapos sa mga pagdududa tulad ng “bakit nabubuhay ang mga tao, at bakit sila namamatay” o “yaong mga buhay ay inuulit ang parehong kalunus-lunos na kasaysayan ng mga pumanaw na.” Nararamdaman ng mga tao na wala naman talagang anumang paghihirap sa pamumuhay ng ganitong buhay, at na natagpuan na nila ang pinagmulan ng buhay. Nauunawaan nila kung ano ang kahulugan ng tadhana, alam nila kung paano dapat magpasakop ang mga tao sa pagsasaayos ng Lumikha, at hindi sila lumalaban. Ito ay isang makabuluhang paraan para mabuhay. Hindi na umaasa ang mga tao sa mga imahinasyon ng kanilang isipan o sa kanilang sariling lakas upang magsumikap at makipaglaban para sa kaligayahan. Alam nilang ang lahat ng iyon ay kahangalan at katigasan ng ulo, at hindi na nila ito ginagawa. Natutunan na nilang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Lumikha, at napakalaking pagdurusa ang naiwasan nito! Kung gayon, ganito na ba kayo nabubuhay ngayon? Nararamdaman ba ninyong hindi kayo tinatrato nang tama sa buhay ninyo at hindi kayo pinahahalagahan? Alam ninyo na ang inyong mga talento at ang inyong tungkulin ay isinaayos at ibinigay sa inyo ng Diyos, ngunit nararamdaman pa rin ninyong ginawan kayo nang masama at na hindi kayo pinahihintulutan ng tungkulin na ito na matupad ang inyong mga aspirasyon. Ang totoo, mayroon kayong mas matataas na mithiin, ngunit ang partikular na larangang ito na kung saan ninyo ginagawa ang tungkulin ninyo ay hindi talaga nagpapahintulot sa inyo na matupad ang mga ito. Ganito ba kayo mag-isip? (Hindi.) Wala kayong mga ambisyon o pagnanais, wala kayong mararangyang pangangailangan, isinantabi na ninyo ang lahat ng dapat ninyong isantabi, at ang kulang na lang sa inyo ay ang maunawaan ang katotohanan upang malutas ang mga tiwaling disposisyon ninyo. Ginagawa nitong mas lalong malinaw ang landas na dapat tahakin ng mga tao at ang direksyon na dapat nilang puntahan. Hindi na nila kailangan pang magtanong ng tulad ng, “Bakit nabubuhay ang mga tao? At bakit sila namamatay? Sino ang Siyang namumuno sa lahat ng bagay?” Anuman ang hinahangad mo o anuman ang mga inaasam mo, sa pamamagitan lamang ng pagbabalik sa presensya ng Lumikha, ng matapat na pagsasakatuparan ng dapat mong gawin, at ng pagtupad at pagkumpleto sa iyong tungkulin, na makakapamuhay ka sa isang paraan na naghahatid ng isang malinis na konsensiya at na tama at nararapat. Walang kalakip na pagdurusa. Ito ang kahulugan at halaga ng pamumuhay.
Sipi 80
Kinikilala ng lahat na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa tadhana ng tao at na nasa mga kamay ng Diyos ang buong buhay ng isang tao, ngunit kung talagang mararanasan mo kung paanong ang bawat malaking pangyayari sa bawat oras at panahon ng buhay ng isang tao ay pinaghaharian at isinasaayos ng Diyos at hindi ayon sa sariling mga plano at pagsasaayos ng taong iyon; kung makikita mong hindi kayang pagtagumpayan ng mga tao ang sarili nilang tadhana o ang kahit anong pagdurusang kailangan nilang kaharapin; kapag nararanasan mo ang ganitong mga bagay, ito ay pagkakaroon ng totoong pananampalataya. Mas nagiging praktikal ito kapag sinabi mong, “May kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa tadhana ng tao, at ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos.” Ang pagdanas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang mga pagsasaayos at pamamatnugot ay isang mahiwagang bagay. Isa itong bagay na dinaranas mo at isang bagay na hindi mo kayang maipaliwanag kung hindi mo pa napagdadaanan, pero habang mas nararanasan mo at habang mas napagdadaanan mo, mas mahusay mo itong maipapaliwanag. May kawikaang nagsasabing, “Sa edad na 50, nauunawaan mo na ang iyong tadhana.” Ano ang ibig sabihin ng nauunawaan mo na ang iyong tadhana? Ang mga taong nasa edad na bente hanggang trenta ay kakatagpo pa lamang sa mundo. Sila ay bata pa at hindi maingat at walang kaalam-alam, at hindi pa nila nauunawaan na ang buhay na ito ng tao ay nasa mga kamay lahat ng Diyos. Patuloy nilang gustong makipaglaban sa kanilang kapalaran at patuloy nilang iniisip na mayroon silang mga talento at kadalubhasaan, at patuloy silang mag-isang nagsisikap na sumubok magkapangalan at magkamit ng yaman at katayuan. Patuloy silang sumusubok kahit pa nabibigo sila, laging sumusubok nang isa pang pagkakataon. Pagkatapos ay magbabalik-tanaw sila sa edad na 50 hanggang 60 at iisipin nilang, “Ang pagparito’t pagparoon sa mundo nang mahigit tatlumpung taon at ang lahat ng pagkukumahog na ito ay naging mahirap talaga! Wala ni isa sa aking pag-aasawa, pagbuo ng propesyon, at pagkakaroon ng mga anak, ang natupad nang naaayon sa aking sariling mga plano at pagtatantiya—ang lahat ng ito ay kapalaran!” Ito ay pag-unawa sa iyong tadhana; wala nang paglaban pa rito. Ang pag-unawa sa tadhana ng isang tao sa edad na 50 ay ang pagtuntong lamang talaga ng mga tao sa edad na 50 at pagkatutong tanggapin na lamang ang kapalaran pagkatapos makaranas ng maraming dagok. Kapag nauunawaan na ng mga tao ang kanilang tadhana, tumitigil na silang labanan ito. Pagdating naman sa mga bagay gaya ng tungkol ba saan ang buhay ng tao, tungkol ba saan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa sangkatauhan, para saan ba mismo dapat mabuhay ang mga tao, at kung paano ba sila dapat mabuhay, ganap bang nauunawaan ng mga tao ang mga ito? Hindi ito nauunawaan ng mga walang pananampalataya dahil hindi sila nananalig sa Diyos, at ang tanging magagawa lamang nila ay tanggapin ang kanilang tadhana at maunawaan na walang silbing labanan ito. Pagkatapos ay makikita nila ang kanilang mga anak at mga apo na nilalabanan ang tadhana at sasabihin nilang, “Hayaan na lang natin kung ano ang mangyayari, ang bawat henerasyon ay may sariling mga pagpapala. Hayaan na lamang natin ito, titigil silang labanan ang kapalaran kapag naging 50 anyos na sila. Ganito ang nangyayari sa bawat henerasyon. Nilalabanan nilang lahat ang tadhana hanggang tumanda na sila at hindi na nila kaya. Tatanggapin nila ang kanilang tadhana at matututuhan ang kanilang leksiyon. Hindi na sila magiging masyadong mapangahas at mayabang, at mas magiging kontento na sila sa buhay.” Ito ang tanging nakikita ng mga walang pananampalataya, pero kaya ba nilang maunawaan ang katotohanan? Siguradong hindi dahil hindi sila nananalig sa Diyos at hindi sila nagbabasa ng Kanyang mga salita. Paano nila mauunawaan ang katotohanan? Ang malaman ba ang iyong tadhana sa edad na 50 ay nangangahulugang nauunawaan mo na ang katotohanan? Naniniwala ang mga tao na, “Ang kapalaran ng tao ay itinakda ng Langit.” Ibig bang sabihin nito ay nagpapasakop sila sa kalooban ng Langit? (Hindi.) Hindi sapat na maniwala lamang dito. Ang malaman ang mga bagay na ito ay hindi lamang paglaban sa kapalaran, pero hindi pa ito pagkaunawa sa katotohanan. Kailangang humarap ang mga tao sa Diyos at tanggapin ang Kanyang pagliligtas para maunawaan nila ang katotohanan. Kailangan nilang tanggapin ang paghatol ng Kanyang mga salita at tanggapin ang pagtustos ng katotohanan at buhay para maunawaan nila ang misteryo ng lahat ng ito. Kung hindi, hindi pa rin mababatid ng mga tao kung tungkol ba saan ang buhay ng tao, kung bakit nabubuhay ang mga tao, at kung bakit sila namamatay, kahit na umabot pa sila sa edad 70, 80, o isang daan. Sandaling naglalakad sa mundo ang mga tao at nabubuhay nang ilang dekada nang hindi nalalaman kung tungkol saan ang buhay ng tao bago pa man ito magwakas. Sa kamatayan, hindi sila kontento at patuloy silang nakatuon sa kung anu-ano, iniiwan ang mundong ito nang may panghihinayang sa huli at nang walang napapala. Hindi ba malungkot kung ipapanganak silang muli sa susunod na buhay at patuloy na ganito mabubuhay? (Malungkot ito.) Kalunos-lunos na sunod-sunod na dumarating at umaalis ang bawat henerasyon ng mga tao, nagpapaalam ang mga nabubuhay sa mga namatay at ang susunod na henerasyon naman ay nagpapaalam sa kanila. Nagpapatuloy sila nang ganito nang paulit-ulit, nabubuhay nang nalilito at walang nauunawaan. Iba ang sitwasyon ninyong mga tumanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Naabutan ninyo ang mahalaga at pambihirang pagkakataon na nagkatawang-tao ang Diyos para iligtas ang sangkatauhan sa mga huling araw. Maaari ninyong matanggap ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at makamit ang Kanya mismong pagpapastol at pamumuno. Nauunawaan ninyo ang maraming misteryo at katotohanan, at kaya ninyong gampanan ang inyong tungkulin bilang mga nilikha. Maaaring linisin at baguhin ang inyong mga tiwaling disposisyon. Sobrang dami na ninyong nakamit, mas marami pa sa nakamit ng mga banal noong mga nagdaang henerasyon. Hindi ba’t ito ang pinakamalaking pagpapala? Kayo ang pinakapinagpala sa lahat.
Matapos basahin ang mga salita ng Diyos at maranasan ang maraming taon ng paghatol at pagkastigo ng mga ito, unti-unti ninyong naunawaan ang layunin ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan at ang misteryo ng Kanyang pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan. Naunawaan ninyo ang mga layunin ng Diyos at nalaman ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Handa ang inyong puso na magpasakop sa Diyos at nagagawa ninyong magpasakop sa Kanya. Ang pamumuhay ay matiwasay at masaya. Pinahihintulutan kang mabuhay ng Diyos, at ikaw ay nabubuhay para sa Diyos, at nabubuhay ka para gawin ang iyong tungkulin bilang isang nilikha. Ito ang makabuluhang paraan para mamuhay. Kung mamumuhay ang mga tao nang hindi natatanggap o nauunawaan ang katotohanan at nabubuhay lamang sila para sa laman, wala iyong anumang halaga. Pinagsisikapan ninyong lahat ngayon ang katotohanan, at nabubuhay kayo nang may lumalaking konsiyensiya at katwiran. Mas nagiging karapat-dapat kayong mga tao, at lumalaki ang inyong pagkaunawa sa katotohanan. Lalo ninyong nalalaman na dapat magpasakop sa Diyos, at kaya ninyong gampanan ang inyong tungkulin bilang isang nilikha at magpatotoo sa Diyos. Ang mamuhay nang ganito ay magpupuno sa puso ninyo ng kapayapaan at kaligayahan, at ito ang pinakamakabuluhang buhay na mayroon. Ito ay pagpapalang kayo lamang ang nakapagtamo sa buong sangkatauhan. Sa malawak na mundong ito at sa buong sangkatauhan, kayong iilan lamang ang hinirang ng Diyos at isinaayos kayong maipanganak sa huling kapanahunang ito at sa bansa ng malaking pulang dragon. Matatanggap ninyo ang Kanyang atas at magagawa ang inyong tungkulin, at makagugugol kayo para sa Kanya. Kayo ang pinaboran ng Diyos at ang Kanyang hinirang. Hindi ba’t ito ang pinakapinagpalang bagay? (Ito nga.) Labis na pinagpala ang bagay na ito. May mga taong nananampalataya sa Diyos pero hindi kayang isantabi ang lahat para gawin ang kanilang tungkulin, at nakakapanghinayang ito. May mga taong hindi nauunawaan ang katotohanan, at kahit na ginagawa nila ang kanilang tungkulin, masasabi lamang na sila ay nagtatrabaho para sa Diyos. Inaalay nila ang lakas na mayroon sila habang nakikipagkasunduan sila sa Diyos sa kanilang puso at nag-aasam na magkamit ng mga pagpapala. Kapag isang araw ay naunawaan na nila ang katotohanan, magagawa nilang pumirmi at tumupad sa kanilang tungkulin nang maluwag sa kanilang kalooban. Ang inyong buhay ngayon at ang inyong araw-araw na pamumuhay para magpatotoo sa Diyos at magpalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos ang paraan ng pamumuhay na Kanyang sinasang-ayunan. Sa madaling salita, pinapayagan ng Diyos na mamuhay kayo nang ganito, at ang Diyos ang nagbigay sa inyo ng ganitong pagkakataon. Binigyan ka ng ganitong pagkakataon ng Diyos at hinayaan Niyang mabuhay ka, nang ginagawa ang iyong tungkulin at gumugugol para sa Kanya, at ito ang pinakamakabuluhang bagay. Dapat kayong makaramdam ng pagmamalaki at karangalan at dapat ninyong pahalagahan ang pagkakataong ito. Napakabata pa ninyo, at ang gawin ninyo ang inyong tungkulin, sundin ang Diyos, at magpatotoo sa Kanya sa gitna ng sakuna at sa ganito kasamang mga kapaligiran at mga kondisyon—napakapambihirang pagkakataon nito! Ang pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw at ang pagpapahayag Niya ng napakaraming katotohanan para lubusang mailigtas ang sangkatauhan para makamit ng sangkatauhan ang katotohanan at maging dalisay ay ang pinakapambihirang pagkakataon. Wala nang gaanong panahon, at nawawala ito sa isang kisapmata. Dapat ninyong samantalahin ang pagkakataong ito at kamtin ang lahat ng katotohanang dapat ninyong makamit. Ito ang pinakamalaking pagpapala, at isa itong pagpapalang higit pa sa lahat ng nakamit ng mga banal noong mga nagdaang kapanahunan.
Sipi 81
Ang mga sumusunod sa Diyos ay dapat man lang kayang talikuran ang lahat ng mayroon sila. Minsang sinabi ng Diyos sa Bibliya, “Sinuman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad Ko” (Lucas 14:33). Ano ang ibig sabihin ng pagtanggi o pagtalikod sa lahat ng tinatangkilik? Ang ibig sabihin nito ay na talikuran ang pamilya, talikuran ang trabaho, talikuran ang lahat ng makamundong kaugnayan. Madali ba itong gawin? Napakahirap nito. Kung walang kagustuhang gawin ito, hinding-hindi ito maisasakatuparan. Kapag ang isang tao ay may kagustuhang tumalikod, natural na taglay niya ang kagustuhang magtiis ng paghihirap. Kung hindi kayang magtiis ng paghihirap ang isang tao, hindi niya magagawang talikuran ang anuman, kahit na gustuhin pa niya. May ilan naman na, dahil tinalikuran nila ang kanilang mga pamilya at nilayuan ang kanilang mga mahal sa buhay, ay nangungulila matapos nilang gawin ang kanilang mga tungkulin pagtagal-tagal. Kung talagang hindi nila ito matitiis, maaaring palihim silang umuwi upang sumilip, at pagkatapos ay bumalik para gampanan ang kanilang mga tungkulin. Ang ilan na umalis sa kanilang mga tahanan upang gampanan ang kanilang mga tungkulin ay hindi maiwasang hanap-hanapin ang kanilang mga mahal sa buhay sa Bagong Taon at iba pang mga kapistahan, at kapag ang iba ay natutulog na sa gabi, sila ay palihim na umiiyak. Kapag tapos na sila, nananalangin sila sa Diyos at bumubuti ang kanilang pakiramdam, pagkatapos ay ipinagpapatuloy nilang gawin ang kanilang mga tungkulin. Bagama’t nagawa ng mga taong ito na talikuran ang kanilang mga pamilya, hindi nila kayang magtiis ng matinding sakit. Kung hindi man lang nila maiwawaksi ang kanilang mga damdamin para sa mga relasyong ito ng laman, paano nila magagawang tunay na gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos? Nagagawa ng ilang tao na talikuran ang lahat ng mayroon sila at sundin ang Diyos, tinatalikuran ang kanilang mga trabaho at pamilya—ngunit ano ang kanilang layunin sa paggawa nito? Ang ilang tao ay nagsisikap na makakuha ng biyaya at mga pagpapala, at ang ilan ay tulad ni Pablo, na naghahangad lamang ng korona at gantimpala. Iilan lamang ang mga taong tumatalikod sa lahat ng mayroon sila upang makamit ang katotohanan at buhay, at matamo ang kaligtasan. Alin sa mga paghahangad na ito ang naaayon sa mga layunin ng Diyos? Siyempre, ito ay ang paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng buhay. Ito ay ganap na naaayon sa mga layunin ng Diyos, at ito ang pinakamahalagang bahagi ng pananalig sa Diyos. Makakamit ba ng isang tao ang katotohanan kung hindi niya kayang bitiwan ang mga makamundong bagay o kayamanan? Hinding-hindi. May ilang taong tinalikuran ang lahat ng mayroon sila at ginampanan ang kanilang mga tungkulin, ngunit hindi nila hinahangad ang katotohanan, at palagi silang pabasta-basta sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Matapos nilang sumabay lang sa agos sa loob ng ilang taon, wala silang anumang patotoong batay sa karanasan at wala silang anumang nakamit. Ang mga naghahangad lamang ng katanyagan, pakinabang at katayuan at tumatahak sa landas ng mga anticristo ay lalo nang mas mababa ang kakayahang magkamit ng katotohanan. Maraming tao na ang pananalig sa Diyos ay binubuo ng kaunting pagtupad lamang sa kanilang tungkulin sa mga panahong libre sila. Magiging madali ba para sa ganitong mga tao na makamit ang katotohanan? Para sa Akin, hindi. Ang pagkamit ng katotohanan ay hindi isang simpleng bagay. Kailangang magtiis ng maraming paghihirap at magbayad ng malaking halaga ang isang tao. Sa partikular, dapat maranasan ng isang tao ang mga paghihirap na dala ng paghatol at pagkastigo, ng mga pagsubok at pagpipino, at ng pagpupungos. Ang lahat ng paghihirap na ito ay dapat tiisin. Hindi makakamit ng isang tao ang katotohanan nang hindi pinagtitiisan ang matinding sakit. Ilang beses dapat manalangin sa Diyos at maghangad ng katotohanan sa panahong ito ang isang tao? Gaano karaming luha ng panghihinayang ang dapat mapadaloy ng isang tao para sa Diyos? Gaano karaming salita ng Diyos ang dapat basahin ng isang tao bago siya maliwanagan at matanglawan? Ilang espirituwal na labanan ang dapat pagdaanan ng isang tao bago niya madaig si Satanas? At gaano katagal ang proseso ng pagdanas sa mga bagay na ito? Ilang taon bago sa wakas ay makakamit ng isang tao ang katotohanan at matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos? Tingnan ninyo ang karanasan ni Pedro, at malalaman ninyo. Ang pagliligtas at pagpeperpekto ng Diyos sa tao ay kasingsimple ba ng inaakala ng mga tao? Ang pagtalikod sa lahat ng mayroon ang isang tao ay hindi simpleng bagay. Ano ba talaga ang ibig sabihin ng pagtalikod sa lahat ng mayroon ang isang tao? Ang kabilang sa “lahat ng mayroon ang isang tao” ay higit pa sa mga panlabas na bagay, higit pa sa pamilya, mga mahal sa buhay, at mga kaibigan, at higit pa sa propesyon, suweldo, kayamanan, at mga inaasahan ng isang tao. Bukod sa mga bagay na ito, kabilang dito ang mga bagay na tungkol sa isipan at espiritu: ang kaalaman, pagkatuto, pananaw ng isang tao sa mga bagay-bagay, mga tuntunin sa pamumuhay, mga kagustuhan ng laman ng isang tao, pati na rin ang mga bagay na hinahangad at ninanais makamit ng isang tao, tulad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan. Ang pagtalikod sa lahat ng mayroon ang isang tao ay pangunahing binubuo ng mga ito; lahat ito ay bahagi ng ibig sabihin ng pagtalikod sa lahat ng mayroon ang isang tao. Madaling talikuran ang mga panlabas na bagay nang sabay-sabay. Ngunit ang mga bagay na gusto, hinahangad at itinataguyod ng mga tao sa kaibuturan ng kanilang puso ang pinakamahalaga at pinakainiingatan nila, kinakatawan ng mga ito ang lahat ng mayroon ang isang tao, at ang mga ito ang pinakamahirap talikuran. Ang pangunahing dahilan kung bakit karamihan sa mga tao ngayon ay hindi magawang tumalikod ay dahil hindi nila magawang bitawan ang mga bagay na iyon, dahil ang mga iyon ang kanilang pinakapinahahalagahan at pinakainiingatan. Ang katanyagan, pakinabang, at katayuan, halimbawa, o kaya ay kaluwalhatian at kayamanan, ang pinakamamahal na propesyon ng isang tao o ang pinakamahahalagang bagay—ang mga ito ang lahat ng mayroon ang isang tao, at ito ang mga bagay na pinakamahirap talikuran. May isang manager ng bangko na nanalig sa Diyos. Nakita niya na ang mga salita ng Diyos ay tunay ngang ang katotohanan, at nakita niya na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ang gawain ng pagliligtas sa tao. Ngunit nang magpasya siyang talikuran ang lahat ng mayroon siya at sundin ang Diyos, nahirapan siya sa posisyon niya sa bangko. Sa isang sandali, naisip niya, “Ang posisyon ko sa bangko ay isang mahalagang bagay. Malaki ang bayad dito at maimpluwensya ito,” at sa sumunod na sandali, naisip niya, “Sa pananalig sa Diyos, makakamit ko ang katotohanan at buhay na walang hanggan. Iyon ang mahalaga.” Patuloy ang labanan sa kanyang puso. Sa isang sandali ay gusto niyang maging manager ng bangko, at sa sumunod na sandali, gusto niyang manalig sa Diyos. Sa isang sandali ay gusto niyang panghawakan ang pera, at sa sumunod na sandali, gusto niyang makamit ang katotohanan. Sa isang sandali, hindi niya mabitawan ang kanyang katayuan, at sa sumunod na sandali, gusto niyang makamit ang buhay na walang hanggan. Ang puso niya ay nagpabalik-balik at hindi makapagdesisyon. Napakahalaga para sa kanya ng kanyang katayuan bilang isang manager ng bangko, at hindi niya ito mabitiwan. Sa loob ng hindi mabilang na mga buwan, hinarap niya ang labanang ito sa kanyang puso, hanggang sa wakas, at marahil ay nang may pag-aatubili, siya ay bumitiw sa trabaho. Napakahirap para sa kanya na talikuran ang lahat ng mayroon siya! Bagama’t alam niyang ang kanyang posisyon bilang manager ng bangko ay isang panandaliang bagay na maaaring maglaho na parang buga ng usok, hindi pa rin naging madali para sa kanya ang bumitiw. Ang ilang tao ay mga doktor, o abogado, o mga executive na matataas ang posisyon, at malaki ang kanilang mga kinikita at suweldo. Hindi madaling bitawan ang mga bagay na ito; sino ang nakakaalam kung gaano karaming buwan ang aabutin ng pakikipaglaban nila sa kanilang mga sarili para sila ay makabitaw. Kung ang isang tao ay makikipaglaban nang ilang taon bago niya mabibitawan ang mga bagay na ito, at sa puntong iyon ay natapos na ang gawain ng Diyos, magkakaroon pa ba ito ng saysay? Sa oras na iyon, sakuna na lamang ang maaari niyang kahinatnan, kung saan tatangis siya at mangangalit ang kanyang mga ngipin. Ikaw ay makakapasok lamang sa kaharian ng Diyos kung magagawa mong talikuran ang lahat ng pinakamahalaga sa iyo upang sundin ang Diyos at gampanan ang iyong tungkulin, at hangarin ang katotohanan at makamit ang buhay. Ano ang ibig sabihin ng makapasok sa kaharian ng Diyos? Nangangahulugan ito na kaya mong talikuran ang lahat ng mayroon ka at sundin ang Diyos, pakinggan ang Kanyang mga salita, at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, magpasakop sa Kanya sa lahat ng bagay; nangangahulugan ito na Siya ay naging Panginoon at Diyos mo. Sa Diyos, nangangahulugan ito na nakapasok ka sa Kanyang kaharian, at anumang mga sakuna ang dumating sa iyo, tataglayin mo ang Kanyang proteksyon at mananatili kang buhay, at ikaw ay magiging isa sa mga tao ng Kanyang kaharian. Kikilalanin ka ng Diyos bilang Kanyang tagasunod, o kaya ay aalukin ng Kanyang pangako na gagawin ka Niyang perpekto—ngunit bilang unang hakbang mo, dapat kang sumunod kay Cristo. Sa ganitong paraan ka lamang magkakaroon ng gagampanang bahagi sa pagsasanay ng kaharian. Kung hindi ka susunod kay Cristo at nasa labas ka ng kaharian ng Diyos, hindi ka kikilalanin ng Diyos. At kung hindi ka kikilalanin ng Diyos, kahit na nais mong maligtas at makamit ang pangako ng Diyos at ang Kanyang pagpeperpekto, makakamit mo ba ang mga bagay na ito? Hindi. Kung nais mong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, dapat ay maging kuwalipikado ka muna na makapasok sa Kanyang kaharian. Kung kaya mong talikuran ang lahat ng mayroon ka para mahangad mo ang katotohanan, kung kaya mong hanapin ang katotohanan sa pagganap mo ng iyong tungkulin, kung kaya mong kumilos ayon sa mga prinsipyo, at kung mayroon kang tunay na patotoong batay sa karanasan, nararapat kang makapasok sa kaharian ng Diyos at makatanggap ng Kanyang pangako. Kung hindi mo kayang talikuran ang lahat ng mayroon ka para sundan ang Diyos, hindi ka kuwalipikadong makapasok man lang sa Kanyang kaharian, at wala kang karapatan sa Kanyang pagpapala at sa Kanyang pangako. Maraming tao ngayon ang tumalikod sa lahat ng mayroon sila at gumaganap ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, ngunit hindi nangangahulugang makakamit nila ang katotohanan. Kailangang mahalin ng isang tao ang katotohanan at magawa niya itong tanggapin bago niya ito makakamit. Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan, hindi niya ito makakamit. Hindi pa kasama ang mga gumaganap ng kanilang tungkulin sa mga oras na libre sila—ang karanasan nila sa gawain ng Diyos ay napakalimitado kung kaya’t magiging mas mahirap para sa kanila na makamit ang katotohanan. Kung hindi ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin o kaya ay hindi niya hinahangad ang katotohanan, mawawalan siya ng kamangha-manghang pagkakataon na makamit ang kaligtasan at pagpeperpekto ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na nananalig sila sa Diyos, ngunit hindi nila ginagawa ang kanilang mga tungkulin, at hinahangad nila ang mga makamundong bagay. Ito ba ay pagtalikod sa lahat ng mayroon sila? Kung ganito manalig sa Diyos ang isang tao, magagawa ba niyang sundan ang Diyos hanggang sa wakas? Tingnan ninyo ang mga disipulo ng Panginoong Jesus: kabilang sa kanila ay mga mangingisda, magsasaka, at maniningil ng buwis. Noong tinawag sila ng Panginoong Jesus at sinabihan na, “Sundan ninyo Ako,” iniwan nila ang kanilang mga trabaho at sumunod sila sa Panginoon. Hindi nila inisip ang isyu ng kanilang trabaho, o ang problema na kung magkakaroon ba sila ng paraan para patuloy na mabuhay sa mundo pagkatapos, at agad-agad silang sumunod sa Panginoong Jesus. Buong-pusong inalay ni Pedro ang kanyang sarili, tinupad ang atas ng Panginoong Jesus hanggang sa wakas at itinaguyod ang kanyang tungkulin. Sa buong buhay niya, hinangad niya ang pag-ibig ng Diyos, at sa huli, ginawa siyang perpekto ng Diyos. Mayroong ilang tao ngayon na hindi man lang kayang talikuran ang lahat ng mayroon sila, ngunit nais pa rin nilang makapasok sa kaharian. Hindi ba sila nananaginip?
Sa pananalig sa Diyos, hindi sapat na magkaroon lamang ng sigasig. Dapat mong maunawaan ang Kanyang mga layunin, ang Kanyang pamamaraan ng pagpeperpekto ng mga tao, kung sino ang mga taong ginagawa Niyang perpekto, at ang saloobin at pananaw na dapat taglayin ng isang tao tungkol sa pagpeperpekto ng Diyos sa mga tao. Higit pa rito, bilang isang tagasunod ng Diyos, dapat malaman ng isang tao kung gaano kahalaga na sundin ang pamamaraan ng Diyos. May kinalaman ito sa usapin ng kung kaya bang makamit ng isang tao ang katotohanan. Ang pagsunod sa pamamaraan ng Diyos ay nangangahulugan ng pagsasagawa ng katotohanan. Sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa ng katotohanan na tunay na makapagpapasakop sa Diyos ang isang tao, kung kaya’t ang pagsasagawa ng katotohanan ay mahalaga sa pagkakamit ng katotohanan. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan o hindi niya alam kung paano ito maisasagawa, wala siyang paraan upang makamit ito. Ito ang dahilan kung bakit ang pinakamahalagang bahagi ng pananalig sa Diyos ay ang pagsasagawa ng katotohanan. Tanging ang mga nagsasagawa ng katotohanan lamang ang magagawang magpasakop sa Diyos, sila lamang ang lubos na makakaunawa sa katotohanan, at ang mga ganap na nakakaunawa ng katotohanan lamang ang nakakakilala sa Diyos. Ang lahat ng bagay na ito ay nakakamit sa pamamagitan ng pagsasagawa ng katotohanan. Gaano man karami ang nananalig sa Diyos, tinitingnan ng Diyos kung sino sa kanila ang sumusunod sa Kanyang pamamaraan, kung sino sa kanila ang nagsasagawa ng katotohanan, at kung sino sa kanila ang tunay na nagpapasakop sa Kanya. Ang mga sumasampalataya sa Diyos ay dapat na nakakaunawa sa katotohanan at nagsasagawa nito upang maging mga tao sila na sumusunod sa Kanyang kalooban at nagpapasakop sa Kanya. Ang mga naghahangad ng katotohanan ay dapat munang maunawaan kung bakit dapat manalig sa Diyos ang mga tao sa kanilang buhay, kung paano ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagliligtas sa tao mula nang pumarito Siya sa lupa, at kung ano ang dapat makamit ng isang tao sa kanyang paghahangad sa katotohanan bago niya makamit ang kaligtasan at bago siya maging nararapat na tumanggap ng pangako ng Diyos at ng Kanyang pagpapala. Sa nakaraan, walang nakakaunawa sa mga katotohanang ito. Nanalig ang lahat sa Diyos ayon sa mga haka-haka at imahinasyon ng tao, at inakala nila na ang pananalig sa Diyos ay tungkol sa pagtanggap ng mga pagpapala, ng korona, at ng gantimpala. Bilang resulta, silang lahat ay sumalungat sa mga layunin ng Diyos, lumihis mula sa tunay na daan, at tumahak sa landas ng mga anticristo. Samakatuwid, kung nais ng isang tao na maunawaan ang katotohanan, makamit ang katotohanan, at maligtas, dapat niyang maituwid ang mga maling pananaw na ito tungkol sa pananalig sa Diyos na nagmula sa nakaraan. Sa partikular, ang mga relihiyosong haka-haka at imahinasyon ng mga tao at ang kanilang mga teolohikong pananaw ay katawa-tawa; lahat ng ito ay salungat sa katotohanan at mga mapanlinlang na maling paniniwala. Hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mga pamamaraang pinaniniwalaan ng mga relihiyosong tao. Kung patuloy na itataguyod ng mga tao ang mga pamamaraang iyon ngayon, at hahangarin ang mga pagpapala, ang korona, at ang gantimpala—kung patuloy silang mananalig sa Diyos nang may ganitong saloobin, makakamit ba nila ang katotohanan at buhay? Hinding-hindi. Ano kung gayon ang pananaw na dapat taglayin ng mga tao sa kanilang pananalig sa Diyos? Dapat kang magsimula sa pag-unawa sa mga layunin ng Diyos at malinaw na pagtingin kung paano Niya inililigtas ang mga tao. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, kundi patuloy kang nananalig sa Diyos ayon sa sarili mong mga haka-haka at imahinasyon, kung patuloy mong hinahangad ang katanyagan, pakinabang, katayuan, kayamanan, at mga makamundong bagay, kahit pa mapanalunan mo ang buong mundo, magiging sulit ba ito kung sa huli ay buhay mo ang magiging kabayaran? Sinasabi ng ilang tao, “Kapag nagkaroon na ako ng sapat na pera at naging matagumpay na ako sa propesyon ko, kapag natupad ko na ang aking mga ambisyon at nakamit ang aking mga pangarap, lalapit na ako at magiging isang mabuting mananampalataya.” Hinihintay ka ba ng Diyos? Hinihintay ka ba ng gawain ng Diyos? Kung hindi mo kayang bitawan ang mga bagay na iyon ngayon, hindi hinihingi ng Diyos na gawin mo ito nang agad-agad, ngunit dapat kang magsanay na bumitaw. Kung talagang hindi mo kaya, manalangin ka sa Diyos at umasa sa Kanya. Hayaan mong gabayan ka Niya. Higit pa rito, dapat kang makipagtulungan at dapat mong gampanan ang iyong mga tungkulin. Ano ang layunin ng pagtupad sa tungkulin ng isang tao? Sa totoo lang, ito ay itinakda upang maghanda ng mabubuting gawa. Kahit na sa huli ay hindi ka ganap na maging perpekto, dapat ay maghanda ka man lang ng ilang mabubuting gawa, upang pagdating ng oras na gagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at parurusahan ang masasama, maaari mong isalaysay ang mga ito sa Kanya. Isang araw, ang gawain ng Diyos ay magwawakas, at sisimulan Niyang gantimpalaan ang mabubuti at parusahan ang masasama. Ipapalabas niya sa iyo ang mabubuti mong gawa, at kung wala ka nito, ito na ang katapusan mo—tiyak na mapaparusahan ka. Sabihin natin, halimbawa, na humigit-kumulang na sampung taon ka nang nananalig sa Diyos, at ang pinakamahalagang tungkuling ginampanan mo ay ang pagpapalaganap lamang ng ebanghelyo sa mga oras na libre ka at dahil dito ay nakapagdala ka ng ilang bagong mananampalataya. Ni hindi mo alam kung ang mga taong iyon ay magagawa bang manindigan hanggang sa huli. Maisasalaysay mo ba ito sa Diyos? Malamang ay hindi. Dapat mong isaalang-alang kung anong uri ng mga resulta ang maisasalaysay sa Diyos, at kung anong uri ng patotoong batay sa karanasan mo ang dapat mong taglayin upang mabigyang-kasiyahan ang Diyos at kilalanin ka Niya bilang Kanyang tagasunod. Hindi ka dapat makuntento sa pagkilala lamang sa katotohanan ng kasalukuyang pagkakatawang-tao ng Diyos at sa pagtanggap sa Cristo ng mga huling araw sa iyong puso, at wala nang iba pa. Ang gustong makita ng Diyos ay ang tunay mong patotoo na batay sa karanasan mo at ang mga bunga ng pagpapasakop mo sa Kanyang gawain. Ang susubukin ng Diyos sa huli ay kung nakamit mo na ba ang katotohanan at kung mayroon kang buhay. Dapat mong maunawaan ang mga layunin ng Diyos. Kung idinadagdag mo lamang ang iyong pangalan sa mga listahan ng iglesia o ginagampanan mo lamang ang isang tungkulin, ngunit hindi mo hinahangad ang katotohanan, at pagkatapos ng ilang taon ng pananalig sa Diyos ay wala kang patotoo na batay sa karanasan mo, magagawa ka pa rin bang kilalanin ng Diyos? Kung hindi ka kinikilala ng Diyos, nananatili ka sa labas ng Kanyang sambahayan. Kung sinasabi mo lang na nananalig ka sa Diyos ngunit hindi mo hinahangad ang katotohanan, sa huli, ano ang mapapala ng pananalig mo sa Diyos? Ikaw ay mahuhulog nang napakalayo mula sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos! Ang pagkakamit ng katotohanan ay hindi kasingsimple ng inaakala ng mga tao; kailangang tiisin ng isang tao ang maraming pagsubok at paghihirap, at ang labis na pasakit at pagpipino bago niya matamo ang katotohanan at makilala ang Diyos. Kapag nararanasan mo ang ganitong paraan ng gawain ng Diyos, kung hindi mo tatalikuran ang lahat ng mayroon ka para masunod mo Siya, maliligtas ka ba? Mararanasan mo ba ang gawain ng Diyos sa pamamagitan lamang ng pananalig sa Kanya sa kaunting libreng oras na mayroon ka? Paano mo ito mararanasan sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos sa iyong tahanan? Paano mo ito mararanasan sa pamumuhay mo sa mundo sa labas? Samakatuwid, ang pagtalikod sa lahat ng mayroon ang isang tao ay isang kondisyon ng pagsunod sa Diyos. Kung hindi mo magagawang talikuran ang lahat ng mayroon ka, hinding-hindi mo makakamit ang katotohanan, at kung hindi mo makakamit ang katotohanan, hindi ka karapat-dapat na makapasok sa kaharian ng Diyos. Ito ay isang katotohanang hindi mababago ninuman.
Sipi 82 (Pagsagot sa mga tanong mula sa mga kapatid)
(Napipigilan pa rin ako ng aking pagmamahal para sa aking pamilya habang ginagampanan ang aking tungkulin. Madalas akong nangungulila sa kanila, at nakakaapekto ito sa pagganap ko sa aking tungkulin. Bahagyang bumuti ang aking kalagayan nitong huli, ngunit minsan ay nag-aalala pa rin ako na aarestuhin ng malaking pulang dragon ang aking pamilya upang pagbantaan ako, at natatakot ako na hindi ako makakapanindigan kung magkagayon.) Ang mga takot na ito ay walang basehan. Kapag iniisip mo ang mga bagay na ito, kailangan mong hanapin ang katotohanan para sa isang resolusyon. Kailangan mong maunawaan na anumang pangyayari ang hinaharap mo, pinangasiwaan at isinaayos ito ng Diyos. Dapat mong matutunang magpasakop sa Diyos at magawang hanapin ang katotohanan at manindigan kapag nahaharap sa mga sitwasyon. Ito ay isang aral na dapat matutunan ng mga tao. Dapat kang madalas na magbulay-bulay: Paano mo dinaranas ang pagdidilig at pagpapastol ng Diyos sa panahong ito? Ano ang aktuwal mong tayog? Paano mo dapat tuparin ang tungkulin ng isang nilikha? Dapat mong malaman ang mga bagay na ito! Kung naiisip mo ang tungkol sa pagbabanta sa iyo ng malaking pulang dragon, bakit hindi mo isipin kung paano pumasok sa katotohanan? Bakit hindi mo pagbulay-bulayan ang katotohanan? (Kapag naiisip ko nga ang mga ito, ako ay nananalangin sa Diyos at nangangako na kung isang araw ay maharap talaga ako sa mga pangyayaring ito, mananatili akong tapat sa Diyos hanggang kamatayan. Ngunit natatakot talaga ako na hindi ko magagawa ito dahil sa maliit kong tayog.) Pagkatapos ay mananalangin ka, “Diyos ko, nangangamba ako na hindi ko magagawa ito dahil sa maliit kong tayog. Sobra akong natatakot. Pakiusap, huwag Mo pong gawin iyon. Maaari Mo itong gawin kapag mayroon na akong tayog.” Ito ba ay isang mabuting paraan ng pananalangin? (Hindi.) Ganito ka dapat na manalangin: “Diyos ko, maliit ang tayog at pananampalataya ko ngayon, natatakot akong kailangan kong harapin ang isang bagay; ang totoo, hindi talaga ako naniniwala na ang lahat ng usapin at ang lahat ng bagay ay nasa Iyong mga kamay. Hindi ko pa ipinagkatiwala ang sarili ko sa Iyong mga kamay; labis akong mapaghimagsik! Nakahanda akong magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos at pangangasiwa. Anuman ang gawin Mo, nakahanda ang puso ko na magpatotoo para sa Iyo. Nakahanda akong manindigan sa aking patotoo nang hindi Ka ipinapahiya. Pakiusap, gawin Mo ang ayon sa kalooban Mo.” Kailangan mong ipagkatiwala ang iyong mga pangarap at ang gusto mong sabihin sa harap ng Diyos—ganito ka magkakaroon ng tunay na pananampalataya. Kung atubili kang manalangin maging sa ganitong paraan, tiyak na napakaliit ng pananampalataya mo! Kailangan mong madalas na manalangin nang ganito. Kahit na nananalangin ka nang ganito, hindi tiyak na tutugon ang Diyos. Hindi pinagpapasan ng Diyos ang mga tao ng higit pa sa makakaya nila, ngunit kung lilinawin mo ang iyong saloobin at paninindigan, malulugod ang Diyos. Kapag nalulugod ang Diyos, ang puso mo ay hindi na magugulo at mapipigilan ng usaping ito. “Ang mga bagay na gaya ng asawa, mga anak, pamilya, ari-arian—ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Walang kabuluhan ang mga ito. Ang buong sanlibutan ay nasa mga kamay ng Diyos; hindi ba’t ang pamilya ko ay nasa mga kamay Niya rin? Anong silbi ng pag-aalala ko sa kanila? Wala akong kontrol dito, wala akong kakayahan, at hindi ko sila mapoprotektahan. Ang kanilang tadhana at ang lahat ng tungkol sa kanila ay nasa mga kamay ng Diyos!” Kailangang may pananampalataya ka upang lumapit sa harap ng Diyos at manalangin, matatag na naninindigan at nagpapasya na magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos. Pagkatapos ay magbabago ang kalagayang nasa kalooban mo. Hindi ka na magkakaroon ng anumang alalahanin, at hindi ka na mag-aalala pa. Hindi ka magiging labis na maingat at punong-puno ng pagkabahala sa lahat ng ginagawa mo. Habang ang lahat ay mabilis na sumusulong, ikaw ay nagpapaiwan, palaging nagnanais na lumayo—hindi ba’t ito ang ginagawa ng isang duwag? Kapag ginagampanan ng mga hinirang ng Diyos ang kanilang tungkulin sa kaharian at ginagampanan ng mga nilikha ang kanilang tungkulin sa harap ng Lumikha, dapat mahinahon silang sumulong nang may takot sa Diyos na puso. Hindi sila dapat na nangangapa, umuurong, o nagiging sobrang maingat. Kung alam mo na ang kalagayang ito ay mali at palagi kang nag-aalala tungkol dito sa halip na hinahanap ang katotohanan upang lutasin ito, kung gayon ikaw ay pinipigilan at iginagapos nito, at hindi mo matutupad ang tungkulin mo. Nais mong gawin ang tungkulin mo bilang isang nilikha nang buong puso mo, nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo, ngunit kaya mo ba itong gawin? Hindi mo mararating ang punto ng pagbibigay nang buong puso mo dahil ang puso mo ay wala sa tungkulin mo—sa pinakamainam ay inilaan mo lamang ang 1/10 na bahagi ng puso mo. Paano mo maibibigay ang buong isip at lakas mo kung hindi mo maibibigay ang buong puso mo? Ang puso mo ay wala sa tungkulin mo, at ang mayroon ka lamang ay kaunting kahandaan upang gampanan ito. Matutupad mo ba talaga ang tungkulin mo nang may buong puso at isip mo? Wala kang kapasyahan na isagawa ang katotohanan, kaya ikaw ay tiyak na mapipigilan ng pamilya at ng pagmamahal mo para sa kanila. Ganap kang igagapos ng mga ito; kokontrolin ng mga ito ang pag-iisip mo at ang puso mo, at hindi mo maaabot ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos—ikaw ay magiging handa, ngunit wala kang lakas. Kaya, dapat kang manalangin sa harap ng Diyos, inuunawa ang mga layunin ng Diyos sa isang banda habang inaalam din kung saan ka dapat lumugar bilang isang nilikha; dapat mong taglayin ang paninindigan at ang saloobin na dapat mayroon ka at ilatag ang mga ito sa harap ng Diyos. Ito ang saloobing dapat mayroon ka. Bakit ang ibang tao ay walang mga ganitong alalahanin? Sa palagay mo ba ay walang pamilya o mga paghihirap na ganito ang ibang tao? Sa katunayan, ang lahat ay mayroong partikular na mga makalaman at pampamilyang gusot, ngunit nalulutas ng ibang tao ang mga ito sa pamamagitan ng pananalangin sa Diyos at paghahanap sa katotohanan. Pagkaraan ng ilang panahon ng paghahanap, malinaw nilang nauunawaan ang mga pagmamahal na ito ng laman at binibitiwan ang mga ito mula sa kanilang puso; pagkatapos, ang mga bagay na ito ay hindi na paghihirap para sa kanila, at hindi na sila makokontrol o mapipigilan ng mga ito. Hindi nakakaapekto ang mga ito sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, at kaya sila ay nagiging malaya. Mayroong linya ng mga salita ng Diyos sa Bibliya na nagsasabi, “Sinuman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad Ko” (Lucas 14:33). Ano itong pagtanggi sa lahat ng tinatangkilik ng isang tao? Ano ang ibig sabihin ng “lahat”? Mga bagay na gaya ng katayuan, katanyagan at pakinabang, pamilya, mga kaibigan, at ari-arian—ang lahat ng ito ay kasama sa salitang “lahat.” Kaya anong mga bagay ang mayroong importanteng puwang sa puso mo? Para sa iba ito ay ang mga anak, para sa iba ito ay ang mga magulang, para sa iba ito ay ang kayamanan, at para sa iba ito ay ang katayuan, katanyagan at pakinabang. Kung pinahahalagahan mo ang mga bagay na ito, kokontrolin ka ng mga ito. Kung hindi mo pinahahalagahan ang mga ito at lubos mong binibitiwan ang mga ito, hindi ka makokontrol ng mga ito. Ito ay nakadepende lang sa kung ano ang saloobin mo ukol sa mga ito at sa kung paano mo pinangangasiwaan ang mga bagay na ito.
Dapat ninyong maunawaan na anumang oras o saanmang yugto ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, palagi Niyang kailangan ng ilang tao upang makatuwang Niya. Na ang mga taong ito ay nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos o nakikipagtulungan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ay pauna na Niyang itinakda. Kaya ang Diyos ba ay mayroong iniatas sa bawat tao na Kanyang pauna nang itinalaga? Ang bawat isa ay mayroong misyon at responsabilidad; ang bawat isa ay mayroong atas. Kapag binigyan ka ng Diyos ng isang atas, ito ay nagiging responsabilidad mo. Kailangan mong akuin ang responsabilidad na ito; ito ay tungkulin mo. Ano ang tungkulin? Ito ay ang misyon na ibinigay ng Diyos sa iyo. Ano ang isang misyon? (Ang atas ng Diyos ay ang misyon ng tao. Ang buhay ng isang tao ay dapat na gugulin para sa atas ng Diyos. Ang atas na ito ay ang tanging bagay sa puso niya, at hindi siya dapat mamuhay para sa iba pa.) Ang atas ng Diyos ay ang misyon ng tao; ito ang tamang pagkaunawa. Ang mga taong nananalig sa Diyos ay inilagay sa lupa upang kumpletuhin ang atas ng Diyos. Kung ang tanging hinahangad mo sa buhay na ito ay ang umangat sa lipunan, magkamal ng kayamanan, mamuhay nang matiwasay, matamasa ang pagiging malapit sa pamilya, at magpakasaya sa katanyagan, pakinabang, at katayuan—kung magkakamit ka ng katayuan sa lipunan, magiging tanyag ang iyong pamilya, at lahat sa iyong pamilya ay ligtas at maayos—ngunit binabalewala mo ang misyong ibinigay ng Diyos sa iyo, mayroon bang anumang halaga sa buhay na ito na ipinamumuhay mo? Paano ka sasagot sa Diyos pagkatapos mong mamatay? Hindi ka makakasagot, at ito ang pinakamalaking paghihimagsik; ito ang pinakamalaking kasalanan! Sino sa inyo ang gumagampan sa inyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos ngayon nang aksidente lamang? Anuman ang pinagmulan mo upang gampanan ang tungkulin mo, wala sa mga ito ang nagkataon lang. Hindi magagampanan ang tungkuling ito sa pamamagitan lang ng basta-bastang pagpili ng ilang mananampalataya; ito ay isang bagay na pauna nang itinalaga ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan. Ano ang ibig sabihin kapag ang isang bagay ay nauna nang itinalaga? Ano sa partikular? Ang ibig sabihin nito ay sa Kanyang kabuuang plano ng pamamahala, matagal nang naiplano ng Diyos kung ilang ulit kang darating sa mundo, sa aling lipi at sa aling pamilya ka isisilang sa panahon ng mga huling araw, ano ang mga magiging kalagayan ng pamilyang ito, ikaw ba ay magiging lalaki o babae, ano ang iyong magiging mga kalakasan, anong antas ng edukasyon ang maaabot mo, gaano ka magiging mahusay magsalita, ano ang iyong magiging kakayahan at ano ang magiging itsura mo. Pinlano Niya ang edad na darating ka sa sambahayan ng Diyos at magsisimulang gumanap ng iyong tungkulin, at anong tungkulin ang iyong gagampanan at anong oras. Matagal nang paunang itinalaga ng Diyos ang bawat hakbang para sa iyo. Bago ka pa isinilang, at nang namuhay ka sa lupa sa iyong nakaraang ilang buhay, naisaayos na ng Diyos para sa iyo ang tungkuling iyong gagampanan sa panahong ito ng huling yugto ng gawain. Tiyak na hindi ito biro! Na nagagawa mong makinig ng sermon dito ay pauna nang itinakda ng Diyos. Hindi ito dapat na balewalain! Dagdag pa, ang taas, hitsura, mata, pangangatawan, kalagayan ng kalusugan, at mga karanasan sa buhay mo at kung aling mga tungkulin ang kaya mong gampanan sa partikular na edad, at kung anong uri ng kakayahan at abilidad ang taglay mo—ang mga ito ay itinakda ng Diyos para sa iyo, at tiyak na hindi kasalukuyang isinasaayos ang mga ito. Matagal nang itinakda ng Diyos ang mga ito para sa iyo, ibig sabihin, kung layon Niyang gamitin ka, inihanda Ka na Niya bago ibinigay sa iyo ang atas na ito at ang misyong ito. Kaya katanggap-tanggap ba na takasan mo ito? Katanggap-tanggap ba na hindi maging buo ang puso mo tungkol dito? Parehong hindi katanggap-tanggap ang mga iyon; binibigo mo ang Diyos kung magkagayon! Pinakamasamang uri ng paghihimagsik ang talikuran ng mga tao ang kanilang tungkulin. Ito ay isang kasuklam-suklam na gawa. Nagsikap ang Diyos nang buong ingat at taimtim, pauna na Siyang nagtatakda simula pa noong unang panahon upang makarating ka sa araw na ito at mapagkalooban ng misyong ito. Kung gayon, hindi ba’t ang misyong ito ang responsabilidad mo? Hindi ba’t ito ang nagbibigay ng halaga sa pamumuhay ng buhay mong ito? Kung hindi mo kukumpletuhin ang misyong ibinigay ng Diyos sa iyo, mawawala sa iyo ang halaga at kabuluhan ng pamumuhay; ito ay para kang nabuhay nang walang saysay. Isinaayos ng Diyos ang mga tamang kondisyon, kapaligiran, at karanasan para sa iyo. Ipinagkaloob Niya sa iyo ang kakayahan at abilidad na ito, inihanda ka upang mabuhay hanggang sa kapanahunang ito, at inihanda ka upang magkaroon ng lahat ng kuwalipikasyon na kakailanganin mo upang magampanan ang tungkulin mong ito, isinaayos Niya ang lahat ng ito para sa iyo, subalit hindi mo pa rin masigasig na isinasakatuparan ang tungkuling ito. Hindi mo makayanan ang tukso at pinipili mong tumakas, palaging inaasam na mamuhay nang matiwasay at maghangad ng mga makamundong bagay. Kinukuha mo ang kaloob at abilidad na ibinigay ng Diyos sa iyo at pinaglilingkuran si Satanas gamit ito, namumuhay ka para kay Satanas. Ano ang nararamdaman ng Diyos dahil dito? Yamang ganitong bigo Siya sa mga inaasahan Niya sa iyo, hindi ba’t kasusuklaman ka Niya? Hindi ba’t kapopootan ka Niya? Ibubuhos Niya ang matinding pagkamuhi sa iyo. At maituturing bang naayos na ang usaping ito kung magkagayon? Maaari kayang ito ay kasing simple lang ng iniisip mo? Iniisip mo ba na kung hindi mo makukumpleto ang misyon mo sa buhay na ito, ang lahat ng ito ay mauuwi sa iyong kamatayan? Hindi ito natatapos doon; ang kaluluwa mo ay malalagay sa panganib kung magkagayon. Hindi mo ginampanan ang tungkulin mo, hindi mo tinanggap ang atas ng Diyos sa iyo, at tumakas ka mula sa presensiya ng Diyos. Naging kalunos-lunos na ang mga bagay-bagay. Saan ka maaaring tumakbo? Makakatakas ka ba sa mga kamay ng Diyos? Paano inuuri ng Diyos ang ganitong tao? (Ang mga ito ang mga taong nagkanulo sa Kanya.) Paano inilalarawan ng Diyos ang mga taong nagkanulo sa Kanya? Paano inuuri ng Diyos ang mga taong tumakas mula sa Kanyang hukumang-luklukan? Ang mga ito ang mga taong mapapahamak at malilipol. Wala nang anumang panibagong buhay o muling kapanganakan para sa iyo, at imposibleng pagkalooban ka ng Diyos ng iba pang atas. Wala nang anumang misyon para sa iyo, at wala ka nang pagkakataong tumanggap ng kaligtasan. Ito ay seryosong panganib! Sasabihin ng Diyos: “Ang taong ito ay minsan nang tumakas mula sa Aking paningin, tumakas mula sa Aking hukumang-luklukan at sa Aking presensiya. Hindi niya ginawa ang kanyang misyon o kinumpleto ang kanyang atas. Ang buhay niya ay nagwawakas dito. Tapos na ito; nagwakas na ito.” Ang laking trahedya nito! Upang magampanan ninyo ang inyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos ngayon, malaki man ito o maliit, pisikal man ito o mental, at ito man ay ang pangangasiwa sa mga panlabas na isyu o panloob na gawain, walang sinuman ang aksidenteng gumaganap ng tungkulin niya. Paano mangyayaring ito ay desisyon mo? Ang lahat ng ito ay pinangunahan ng Diyos. Dahil lamang sa pag-aatas ng Diyos sa iyo kaya ka kumikilos nang ganito, na mayroon kang pagpapahalaga sa misyon at responsabilidad, at na nagagampanan mo ang tungkulin mo. Napakarami sa mga walang pananampalataya ang may magagandang hitsura, kaalaman, o talento, ngunit pinapaboran ba sila ng Diyos? Hindi, hindi Niya sila pinapaboran. Hindi sila pinili ng Diyos, at kayo lang ang pinapaboran Niya. Lahat kayo ay binibigyan Niya ng lahat ng uri ng papel, pinagagampan ng lahat ng uri ng tungkulin, at pinaaako ng iba’t ibang responsabilidad sa Kanyang gawain ng pamamahala. Kapag sa wakas ay natapos na at natupad ang gawain ng pamamahala ng Diyos, napakalaking kaluwalhatian at pribilehiyo nito! Kaya, kapag nakararanas ng kaunting hirap ang mga tao habang ginagampanan nila ang tungkulin nila ngayon; kapag kailangan nilang isuko ang ilang bagay, gugulin nang bahagya ang kanilang sarili, at magbayad ng partikular na halaga; kapag nawala ang katayuan nila at ang katanyagan at pakinabang nila sa mundo; at kapag ang mga bagay na ito ay nawalang lahat, tila ang Diyos ang kumuha ng lahat ng ito sa kanila, ngunit may nakamit silang isang bagay na mas katangi-tangi at mas mahalaga. Ano ang nakamit ng mga tao mula sa Diyos? Nakamit nila ang katotohanan at buhay sa pamamagitan ng paggampan sa tungkulin nila. Kapag natupad mo ang tungkulin mo, nakumpleto ang atas ng Diyos, ginugol ang buong buhay mo para sa misyon mo at sa iniatas ng Diyos sa iyo, mayroon kang magandang patotoo, at namumuhay ka nang may halaga—saka pa lamang masasabi na ikaw ay isang totoong tao! At bakit sinasabi kong ikaw ay isang totoong tao? Dahil pinili ka ng Diyos at pinagampan Niya sa iyo ang tungkulin ng isang nilikha sa Kanyang pamamahala. Ito ang pinakamahalaga at ang pinakadakilang kahulugan sa buhay mo.
Hindi humihingi ng labis-labis ang Diyos sa mga tao. Kapag binibigyan ka ng Diyos ng isang atas at ng isang responsabilidad, kung sasabihin mong mayroon kang maliit na pananampalataya at na hanggang dito na lang ang pagsusumikap na kakayanin mo, na ito na ang pinakamalaking maibibigay mo, at na ang mga ito ang mga bagay na kaya mong akuin, kung gayon ay hindi ka pipilitin ng Diyos. Hindi ito gaya ng kung humihingi Siya sa iyo ng isandaang porsiyento at siyamnapu’t limang porsiyento lang ang ibinigay mo ay hindi Siya masisiyahan, hindi Ka niya palalagpasin, at tuloy-tuloy Siyang kikilos at mang-uudyok sa Iyo upang maabot mo ang isandaang porsiyento na hinihingi Niya. Hindi iyan gagawin ng Diyos. Sa halip, unti-unti ka Niyang pasusulungin alinsunod sa iyong tayog, sa iyong lakas, at sa kung ano ang makakaya mo. Patas ang Diyos at makatwiran sa Kanyang gawain. Hindi niya pinipilit ang mga tao; hinahayaan Niyang maging komportable at panatag ka, hinahayaan Niyang maramdaman mong sa lahat ng bagay na ginagawa Niya para sa iyo kaya ka Niyang maunawaan at magkaroon ng konsiderasyon sa iyo. Dapat malaman ng mga tao ang maingat na pagsisikap ng Diyos gayundin din ang Kanyang awa, mapagmahal na kabaitan, at pagpaparaya sa mga tao. Ano ang dapat na gawin ng mga tao kung gayon, at paano sila dapat na makipagtulungan? Ganito sila dapat makipagtulungan: “Dapat akong magsumikap tungo sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Diyos. Nais ng Diyos ang isandaang porsiyento ko; hindi lamang ako magbibigay ng tatlumpung porsiyento kung kaya ko namang magbigay ng animnapung porsiyento. Ibibigay ko ang buong lakas ko. Hindi ako magiging di-mapagkakatiwalaan, hindi ako mandaraya, at hindi ako magkakaroon ng mentalidad na umaasa sa suwerte.” Sapat na iyan. Tumitingin ang Diyos sa puso ng isang tao. Hindi magkakapareho ang mga hinihingi niya sa lahat ng tao; hindi sa dapat mong pabayaan ang iyong mga anak at pamilya o isuko ang trabaho mo dahil ito ang ginawa ng iba. Hindi iisa ang pamamaraan ng Diyos sa bawat tao, hinihingi Niya sa iyo ang ayon sa iyong tayog at kung ano ang kaya mong makamit. Kaya, kung gayon, hindi mo kailangang makaramdam ng anumang pagkabahala o anumang panggigipit. Basta’t manalangin ka sa harap ng Diyos batay sa kung ano ang kaya mong maisakatuparan. Anuman ang mga paghihirap o mga hadlang na pumipigil sa iyo, huwag mong urungan ang mga ito. Huwag mong hayaang makaapekto sa iyo ang mga ito. Iyon ang tamang paraan. Sa oras na naapektuhan ka ng mga ito, palagi mong iisipin, “Hindi maayos ang naging paggawa ko. Hindi nasisiyahan ang Diyos sa akin, hindi ba? Dapat akong mag-ingat nang husto. Hindi ako maaaring magpakapagod nang husto; kailangan kong maglaan ng panahon upang makapagpahinga.” Ito ay mali; ito ay maling pagkaunawa sa Diyos. Ang bawat paisa-isang hakbang ng ganitong uri ng karanasan ay mas lalong ipinadadama sa mga tao na ang kanilang pananampalataya ay napakaliit na nagagawa pa nga nilang pagdudahan ang Diyos batay sa kanilang mga haka-haka at imahinasyon, gaya ng kasabihang, “tinitimbang ang marangal batay sa mga pamantayan ng hindi marangal.” Nananalig sila sa Diyos ngunit takot silang sumandig sa Kanya; nananampalataya sila sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ngunit takot silang ipagkatiwala ang lahat sa Kanya. Madalas na sinasabi ng mga tao, “May kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay,” at “ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos,” ngunit kapag may nakaharap silang ilang sitwasyon, iniisip nila, “May kataas-taasang kapangyarihan ba talaga ang Diyos dito? Masasandigan ba talaga ang Diyos? Mas makabubuting sumandig ako sa ibang tao, at kung hindi iyon uubra ay mag-iisip ako ng sarili ko.” Pagkatapos ay mapagtatanto nila kung gaano sila ka-immature, katawa-tawa, at kaliit sa tayog. Babalik sila sa dati, nagnanais na sumandig sa Diyos, ngunit makikita nilang wala pa ring landas. Gayunman, sa kaibuturan ay alam nila na ang Diyos ay tapat at Siya ay masasandigan; kaya lang ay napakaliit ng kanilang pananampalataya at sila ay palaging labis na nag-aalinlangan. Paano mo lulutasin ang problemang ito? Dapat kang sumandig sa iyong karanasan at sa paghahangad at pagkaunawa sa katotohanan—saka ka lamang magkakaroon ng tunay na pananampalataya. Habang lalo kang dumaranas at lalo kang sumasandig sa Diyos, mas lalo mong mararamdaman na Siya ay maaasahan. Habang dinaranas mo ang mas maraming usapin, nakikita kung paano ka iniingatan ng Diyos sa lahat ng oras, tinutulungan kang mapagtagumpayan ang mga paghihirap at maiwasan ang panganib, magkakaroon ka ng tunay na pananampalataya at pagsandig sa Diyos nang hindi mo namamalayan. Mararamdaman mong ang Diyos ay mapagkakatiwalaan at maaasahan. Kailangan mo munang magkaroon ng ganitong pananampalataya sa puso mo.
Ang bawat tao ay may kanya-kanyang tadhana, at ang lahat ng ito ay pauna nang itinakda ng Diyos; walang sinumang makakakontrol sa tadhana ng ibang tao. Kailangan mo nang itigil ang pamomroblema sa iyong pamilya at matutunang bitiwan at talikuran ang lahat ng bagay. Paano mo ito gagawin? Ang isang paraan ay manalangin sa Diyos. Dapat ka ring magbulay-bulay kung paanong ang mga kamag-anak mo na hindi nananalig sa Diyos ay naghahangad ng mga makamundong bagay, kayamanan, at mga materyal na kaginhawahan. Nabibilang sila kay Satanas, at sila ay ibang uri ng tao sa iyo. Mamumuhay ka sa pagdurusa kung hindi mo gagampanan ang tungkulin mo at mamumuhay kang gaya nila. Yamang ang pagtingin mo sa mga bagay ay iba kaysa kanila, hindi mo sila makakasundo at sa halip ikaw ay mahihirapan. Magkakaroon lamang ng pasakit at walang kasiyahan. Ang pagmamahal ba ay magdadala sa iyo ng kapayapaan at kagalakan? Ang pagsisilbi sa laman ay walang idudulot sa iyo kundi pagdurusa, kawalan ng kabuluhan, at habambuhay na pagsisisi. Ito ay isang bagay na dapat mong lubos na maunawaan. Kaya, ang pangungulila mo sa iyong pamilya ay walang batayan; ito ay pagiging sentimental nang hindi naman kinakailangan! Iba ang nilalakaran mong landas kumpara sa kanila. Ang pananaw mo sa buhay, pananaw sa mundo, landas sa buhay, at mga mithiin sa paghahangad ay pawang iba. Hindi mo kasama ang pamilya mo ngayon, ngunit dahil kayo ay magkadugo, palagi mong nararamdaman na ikaw ay malapit sa kanila at na kayo ay iisang pamilya. Gayunman, kapag ikaw ay aktuwal na namumuhay kasama nila, ilang araw mo pa lang silang pinakikitunguhan ay tutol ka na nang husto. Punong-puno sila ng kasinungalingan; ang sinasabi nila ay pawang kabulaanan, matamis na pananalita, at panlilinlang. Ang paraan ng kanilang pagkilos at pakikitungo sa mundo ay nakabatay lahat sa satanikong pilosopiya at mga kasabihan sa buhay. Ang kanilang mga kaisipan at pananaw ay pawang mali at kakatwa, at ang mga ito ay sadyang mahirap na pakinggan. Pagkatapos ay iisipin mo, “Dati ay nasa isip ko sila parati, at palagi akong natatakot na baka hindi sila nabubuhay nang maayos. Ngunit ang pamumuhay kasama ng mga taong ito ngayon ay tunay na napakahirap!” Ikaw ay masusuklam sa kanila. Hindi mo pa natutuklasan kung anong uri sila ng mga tao, kaya iniisip mo pa rin na ang mga ugnayan ng magkakapamilya ay higit na mahalaga at higit na totoo kaysa anuman. Pinipigilan ka pa rin ng pagmamahal. Subukan mong bitiwan ang mga bagay na iyon na ukol sa pagmamahal sa anumang paraan na kaya mo. Kung hindi mo kaya, unahin mo muna ang tungkulin mo. Ang atas ng Diyos at ang iyong misyon ang pinakamahalaga. Ang pagtupad mo muna sa tungkulin mo ang pinakaprayoridad sa lahat ng bagay, at huwag mo munang alalahanin ngayon ang mga bagay na iyon na ukol sa iyong mga kaanak sa laman. Kapag ang iyong atas at ang iyong tungkulin ay naisakatuparan na, nagiging higit na malinaw ang katotohanan sa iyo, ang ugnayan mo sa Diyos ay nagiging higit na normal, ang puso mong nagpapasakop sa Diyos ay higit pang lumalago, at ang may takot sa Diyos na puso mo ay higit pang lumalaki at nagiging higit pang maliwanag, pagkatapos ang kalagayan sa kalooban mo ay magbabago. Kapag ang kalagayan mo ay nagbago, ang mga pananaw mo sa mundo at mga pagmamahal ay lilipas, hindi mo na hahanapin ang mga bagay na iyon, at hahanapin na lamang ng puso mo kung paano mamahalin ang Diyos, paano Siya palulugurin, paano mamumuhay sa paraang nakalulugod sa Kanya, at paano mamumuhay sa katotohanan. Kapag ito na ang pinagsusumikapan ng puso mo, ang mga bagay na may kaugnayan sa mga pagmamahal ng laman ay unti-unting lilipas, at hindi ka na maigagapos o makokontrol pa ng mga ito.
Sinasabi ng ilang tao: “Hindi ako napipigilan ng pagmamahal ko para sa pamilya ko kapag ginagampanan ko ang mga tungkulin ko, ngunit sa tuwing wala akong ginagawa, nagsisimula akong mangulila sa kanila.” Ano ang mga bunga ng pangungulila mo sa iyong pamilya? Kung ito ay nagdudulot sa iyo na maging negatibo at maging hindi handang gampanan ang mga tungkulin mo, kung gayon ay dapat mong hanapin ang resolusyon sa katotohanan. Kapag nalutas mo na ang problema, hindi ka na palaging mangungulila sa pamilya mo sa susunod na wala kang ginagawa, at hindi na ito magbubunga pa ng anuman. Kaya, anumang problema ang lumitaw, dapat ay palagi mong hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga ito; ito ang pinakamahalaga. Ang pangungulila mo sa pamilya mo ay hindi ang nakakabahala; ang susi ay kailangan mong isipin ang kung ano ang magiging mga bunga ng palaging pangungulila sa pamilya, at kung paano dapat lutasin ang usaping ito. Dapat kang magnilay-nilay: “Paano nagkaganito ang kalagayan ko? Bakit palagi akong nangungulila sa pamilya ko? Anong mga bahagi ng katotohanan ang hindi malinaw sa akin? Aling mga katotohanan ang dapat kong pasukin?” Magsagawa nang ganito, at mabilis kang makakapasok sa katotohanan. Dapat palagi mong pinagbubulay-bulayan ang katotohanan sa isipan mo; habang mas ginagawa mo ito, mas lalong lilinaw ang pagkaunawa mo sa katotohanan, at higit kang magkakaroon ng mga malinaw na daan sa pagsasagawa sa isip mo. Ito ay hahantong sa tunay na pagkaunawa sa katotohanan, sa halip na pagkakaroon lamang ng kaunting kaalaman tungkol dito. Sa puntong ito, nanaisin mong makakita ng mga taong makakabahaginan mo. Ano ang layunin ng pakikipagbahaginan? Ito ay upang magkamit ng kumpirmasyon, upang maunawaan ang katotohanan nang tumpak at nang walang anumang paglihis. Sa ganitong paraan, hindi ka magkakaroon ng anumang paghihirap, at matatamo ng isip mo ang paglaya, wala nang anumang pumipigil. Hindi ka na palaging mangungulila sa pamilya mo, at makakawala ka na mula sa mga makamundong gusot. Ang kalagayan mo ay magiging higit na normal. Dapat ninyong matutunang lahat na pagnilay-nilayan ang katotohanan. Paano ninyo gagawin ito? Halimbawa, sabihin nating may nagawa kang isang bagay ngayon na sa pakiramdam mo ay hindi tama at tila ito ay sumasalungat sa mga prinsipyo, ngunit hindi mo alam kung nasaan ang problema. Ito ang panahon na dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan, iniisip na, “Anong katotohanan ang nauugnay sa isyung ito? Aling prinsipyo ang nauugnay rito?” Dapat kang makahanap ng isang tao na magbabahagi sa katotohanan, magbalik-tanaw ka, at magnilay-nilay. Kapag sa wakas ay natuklasan mo na kung ano ang pinagmumulan ng problema at nalutas mo ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, magkakaroon ka ng higit na pananampalataya sa Diyos, at mararamdaman mong higit kang umusad sa katotohanan. Magagawa mong maunawaan nang husto ang ilang usapin at maintindihan ang ilang espirituwal na salita; o, magagawa mong maunawaan kung ano ang tunay na ipinahihiwatig at kahulugan ng ilang karaniwang inuulit-ulit na doktrina o sawikain. Ito ay pagkakaroon ng ilang pang-unawa sa katotohanan at pagkaalam sa kung paano ito isagawa. Pagkatapos ay hahayo ka at makikipagbahaginan sa iba, nakikipagbahaginan sa sawikaing ito hanggang sa ito ay malinaw na maunawaan, ginagamit itong isang landas ng pagsasagawa. Hindi ba’t ito ay isang mabuting bagay? Ito ay isa pang daan pasulong. Minsan ay makakakita ka ng isang tao na mayroong isang tiyak na kalagayan, at maaaring magbulay-bulay ka: “Bakit mayroong ganitong uri ng kalagayan ang taong ito? Paano nagkaganito ang kalagayan niya? Bakit wala akong ganitong uri ng kalagayan? Iyong bagay na sinabi niya ay kumakatawan sa isang partikular na kalagayan at mentalidad. Paano umusbong ang mentalidad niyang ito? Saan lumitaw ang problema? Sa anong aspeto ng katotohanan ito nauugnay? Hindi ba’t dapat ko ring hanapin ang katotohanan?” Sa pamamagitan ng pagbabahagi at paghahanap, nakikita mo ang problema at napagtatanto na ang kalagayan niyang iyon ay isang bagay na mayroon ka rin. Ikinumpara mo ang sitwasyon niya sa sitwasyon mo, hindi ba? Hindi ba’t sulit ang pagsusumikap na ito? (Oo.) Pagkatapos matuklasan ang problema, naghahanap ka ng isang tao na mapagbabahaginan. Kapag sa huli ay natagpuan mo na ang sagot at naunawaan kung ano ang problema, nalulutas ang problema. Madaling lutasin ang isang problema kung ito ay natutuklasan mo. Kung hindi mo ito matuklasan, hindi malulutas ang problema kailanman. Minsan, kapag ang isip mo ay natahimik, maaaring ito ang pinakamainam na oras upang magbulay-bulay sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Anuman ang ginagawa mo, huwag mong sasayangin ang pagkakataong ito na pagyamanin ang mga emosyonal na ugnayan, laging iniisip na muling makasama ang iyong pamilya; iyan ay magulo. Kung lagi kang nag-aalala sa iyong pamilya at susunggaban mo ang anumang pagkakataong mayroon ka upang emosyonal na makipag-ugnayan sa kanila, ang isip mo ay palaging mapupuno ng mga emosyonal na gusot na ito; hindi mo magagawang putulin ang mga ugnayang ito at hindi mo magagawang bumitiw. Dapat kang higit na manalangin, higit na magbasa ng mga salita ng Diyos, at madalas na makipagbahaginan sa iyong mga kapatid. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, kahit paano ay hindi ka mapipigilan ng iyong pamilya, laman, o pagmamahal. Ang mga bagay na ito ay magiging madaling bitiwan; ito ang daan pasulong. Sa katunayan, ganito ang karanasan ng maraming tao. Ang paglutas sa mga emosyonal na isyu ay palaging nangangailangan ng ilang panahon ng pagdanas; sa oras na maunawaan mo ang katotohanan, ang mga isyu ay nagiging madaling lutasin.
Sipi 83
Para sa lahat na ngayon ay ilang taon nang nananampalataya sa Diyos, kahit na nakapaglatag na sila ng pundasyon, mayroong isang totoong problema na kinakailangang malutas. Karamihan ng mga tao ay may kaunting pagkaunawa sa lahat ng aspeto ng katotohanan, at kaya nilang sabihin at ipangaral ang mga tamang salita at doktrina, pero hindi pa nila nararanasan ang kawastuhan ng mga salitang ito sa kanilang tunay na buhay. Hindi pa nila tunay na nararanasan kung ano ang totoong kahulugan at praktikal na bahagi ng mga katotohanang nakapaloob sa mga salitang iyon. Upang makapasok sa katotohanang realidad, kailangan mo ng angkop na kapaligiran, mga tamang tao sa tabi mo, at mga angkop na tao, pangyayari, at bagay na nagbibigay-daan sa iyo na lumago sa buhay. Sa ganitong paraan, ang mga katotohanan at doktrinang ito na iyong nauunawaan ay kapwa mapapatunayan, at magbibigay sa iyo ng karanasan. Kapag ang isang buhay na binhi ay inihulog sa matabang lupa, pero kulang ito sa sinag ng araw at halumigmig ng tubig-ulan, hindi ba’t ang usbong na tumutubo mula rito ay malalanta? (Oo, malalanta ito.) Kung gayon, kapag marami ka nang narinig na sermon, katotohanan, at salita ng Diyos, at natiyak mo nang ang landas na ito ang tamang landas, at ang wastong landas sa buhay, ano ang kailangan mo sa puntong ito? Kailangan mong hilingin sa Diyos na magsaayos ng angkop na kapaligiran para sa iyo na makakapagpabuti at makakatulong sa buhay mo at makakapagpalago sa iyo sa buhay. Ang kapaligirang ito ay maaaring hindi gaanong komportable—ang laman ng isang tao ay kailangang magtiis ng hirap, at kailangan niyang talikuran at bitiwan ang maraming bagay. Ito ay isang bagay na naranasan na ninyong lahat sa ngayon. Halimbawa, sabihin natin na ikaw ay inusig at hindi makauwi, para makita o makaugnayan ang iyong mga anak o asawa, makipagkita sa iyong mga kamag-anak o kaibigan, o makatanggap ng anumang balita mula sa kanila. Sa kalaliman ng gabi, mapapaisip ka tungkol sa iyong tahanan: “Kumusta na kaya ang aking ama? Matanda na siya, at wala akong paraan para magbigay-galang sa kanya. Ang aking ina ay mahina ang kalusugan, at hindi ko alam kung ano ang kalagayan niya ngayon.” Hindi ba’t lagi mong iisipin ang mga bagay na ito? Kung ang iyong puso ay palaging pinipigilan ng mga ganitong bagay, ano ang mga kahihinatnan na idudulot nito sa pagganap ng iyong tungkulin? Makakabuti sa iyong pag-unlad sa buhay kung hindi ka matutuliro o labis na mag-aalala sa mga makamundo at makalaman na bagay. Ang iyong pag-iisip at pag-aalala ay walang maidudulot na anuman, ang lahat ng bagay na ito ay nasa mga kamay ng Diyos, at hindi mo mababago ang kapalaran ng mga miyembro ng iyong pamilya. Kailangan mong maunawaan na ang iyong pangunahing prayoridad bilang isang mananampalataya ng Diyos ay ang maging mapagsaalang-alang sa Kanyang mga layunin, gawin ang iyong tungkulin, magkamit ng tunay na pananampalataya, pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, lumago sa buhay, at makamit ang katotohanan. Ito ang pinakamahalaga. Sa panlabas, mukhang aktibong tinatalikuran ng mga tao ang mundo at ang kanilang mga pamilya, ngunit ano nga ba talaga ang nangyayari? (Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at namamatnugot nito.) Pinamatnugutan ito ng Diyos; Siya ang pumipigil sa iyo na makita ang iyong pamilya. Sa mas angkop na pananalita, ipinagkakait sila ng Diyos sa iyo. Hindi ba’t ito ang mga pinakapraktikal na salita? (Tama.) Palaging sinasabi ng mga tao na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at nagsasaayos ng mga bagay-bagay, kaya paano Siya nagkakaroon ng kataas-taasamg kapangyarihan sa usaping ito? Inilalabas ka Niya sa iyong tahanan, hindi hinahayaang maging isang pasanin na nagpapabigat sa iyo ang iyong pamilya. Kung gayon, saan ka Niya dinadala? Dinadala ka Niya sa isang kapaligiran kung saan walang mga kaguluhan ng laman, kung saan hindi mo makikita ang iyong mga mahal sa buhay. Kapag nag-aalala ka tungkol sa kanila, at gusto mong gumawa ng isang bagay para sa kanila, hindi mo ito magagawa, at kapag gusto mong magbigay-galang sa nakatatanda, hindi mo ito magagawa. Hindi ka na nila magugulo. Inilayo ka ng Diyos sa kanila, at tinanggalan ka ng mga kumplikasyong ito; kung hindi, magiging masunurin ka pa rin sa kanila, maglilingkod sa kanila at magpapaalipin. Ang paglalayo ba sa iyo ng Diyos sa lahat ng mga panlabas na kumplikasyong ito ay isang mabuti o masamang bagay? (Mabuti.) Ito ay isang mabuting bagay, at hindi ito kailangang pagsisihan. Bilang ito ay isang magandang bagay, anong dapat gawin ng mga tao? Dapat magpasalamat ang mga tao sa Diyos, nang nagsasabing: “Mahal na mahal ako ng Diyos!” Hindi mapagtatagumpayan ng isang tao ang gapos ng pagmamahal nang mag-isa, dahil ang puso ng mga tao ay napipigilang lahat ng pagmamahal. Gusto nilang lahat na makasama ang kanilang pamilya, na magtipon-tipon ang kanilang buong pamilya, na ang lahat ay ligtas, malusog, at masaya, at araw-araw na gumugol nang ganito, na hindi kailanman maghihiwalay. Ngunit mayroong hindi magandang bahagi rito. Ilalaan mo ang buong lakas at pagsisikap ng iyong buhay, ang iyong kabataan, ang iyong pinakadakilang mga taon, at ang lahat ng pinakamagandang bahagi ng iyong buhay sa kanila; ibibigay mo ang iyong buong buhay para sa kapakanan ng iyong laman, pamilya, mga mahal sa buhay, trabaho, katanyagan at pakinabang, at lahat ng uri ng komplikadong relasyon, at ganap mong sisirain ang iyong sarili dahil dito. Kung gayon, paano minamahal ng Diyos ang tao? Sinasabi ng Diyos: “Huwag mong sirain ang iyong sarili sa putikan. Kung parehong hindi makaalis ang iyong mga paa, hindi mo mahihila paahon ang sarili mo gaano mo man pagurin ang sarili mo. Wala kang tayog o tapang, at lalong wala kang pananampalataya. Ako mismo ang maglalabas sa iyo.” Ito ang ginagawa ng Diyos, at hindi Niya ito tinatalakay sa iyo. Bakit hindi hinihingi ng Diyos ang mga opinyon ng mga tao? Sinasabi ng ilan: “Ang Diyos ang Lumikha, ginagawa Niya ang anumang gusto Niya. Ang mga tao ay tulad ng mga langgam at kulisap, wala silang halaga sa mata ng Diyos.” Ganito talaga ang sitwasyon, ngunit ganoon nga ba pinakikitunguhan ng Diyos ang mga tao? Hindi, hindi ganito. Ang Diyos ay nagpapahayag ng napakaraming katotohanan at inihahandog ang mga ito sa tao, na nagbibigay-daan na malinis ang mga tao sa kanilang katiwalian, at magkamit ng bagong buhay mula sa Kanya. Napakadakila ng pagmamahal ng Diyos sa tao. Ito ay mga bagay na nakikitang lahat ng mga tao. May mga layunin para sa iyo ang Diyos, ang hangarin Niya sa pagdala sa iyo rito ay upang matahak mo ang tamang landas sa buhay, upang isabuhay ang isang buhay na makahulugan, isang landas na hindi mo mapipili nang mag-isa. Ang pansariling kagustuhan ng mga tao ay ang gugulin ang kanilang buong buhay nang ligtas at maayos, at kahit na hindi sila yumaman, gusto naman nilang makasama ang kanilang pamilya habang-buhay, at tamasahin ang ganitong uri ng kaligayahang pampamilya. Hindi nila nauunawaan kung paano maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, ni hindi nila nauunawaan kung paano pag-iisipan ang kanilang mga destinasyon sa hinaharap o ang layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Ngunit hindi lubos na pinapansin ng Diyos ang kawalan nila ng pag-unawa, at hindi Niya kailangang masyadong magsalita sa kanila, dahil hindi nila nauunawaan, masyadong mababa ang kanilang tayog, at ang anumang talakayan ay hahantong lamang sa isang hindi pagkakasundo. Bakit ito aabot sa isang hindi pagkakasundo? Dahil ang dakilang bagay ng plano ng pamamahala ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan ay hindi isang bagay na mauunawaan ng mga tao sa pamamagitan lamang ng isa o dalawang pangungusap na paliwanag. Bilang iyon ang sitwasyon, ang Diyos ay gumagawa ng mga desisyon at kumikilos nang direkta, hanggang sa dumating ang araw na makaunawa na ang mga tao kalaunan.
Noong kinuha ng Diyos ang ilan sa Kanyang mga hinirang na tao mula sa masamang kapaligiran ng kalupaan ng Tsina, ang Kanyang mabuting kalooban ay narito, na nakikita na ng lahat ngayon. Tungkol sa bagay na ito, dapat madalas na magpakita ng pasasalamat ang mga tao at magpasalamat sa Diyos sa pagpapakita sa kanila ng awa. Ikaw ay lumabas na sa pamilyang kapaligiran na iyon, humiwalay sa lahat ng komplikadong pakikipag-ugnayan ng laman, at pinakawalan ang iyong sarili mula sa lahat ng mga makamundo at makalaman na kaguluhan. Inalis ka ng Diyos mula sa isang komplikadong patibong at dinala sa Kanyang harapan at sa Kanyang sambahayan. Sinasabi ng Diyos: “Mapayapa rito, napakaganda ng lugar na ito, at angkop na angkop ito para sa iyong paglago. Dito makikita ang mga salita at patnubay ng Diyos, at kung saan naghahari ang katotohanan. Ang layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan ay naririto, at ang gawain ng kaligtasan ay nakasentro rito. Kaya, lumago ka rito hanggang masiyahan ang iyong puso.” Dinadala ka ng Diyos sa ganitong uri ng kapaligiran, isang kapaligiran na maaaring hindi naglalaman ng ginhawa ng iyong mga mahal sa buhay, kung saan wala ang iyong mga anak upang alagaan ka kapag ikaw ay nagkasakit, at kung saan walang sinuman na puwede mong pagkatiwalaan. Kapag ikaw ay nag-iisa, at naiisip mo ang pagdurusa at mga paghihirap ng iyong laman at ang lahat ng iyong haharapin sa hinaharap, sa mga oras na iyon, mararamdaman mo na ikaw ay nag-iisa. Bakit mo mararamdaman na ikaw ay nag-iisa? Ang isang obhetibong dahilan ay na masyadong mababa ang tayog ng tao. Ano ang pansariling dahilan? (Hindi lubusang binibitiwan ng mga tao ang kanilang mga makalaman na mahal sa buhay.) Tama iyan, hindi kayang bitiwan ng mga tao ang mga ito. Itinuturing ng mga taong nabubuhay sa laman na kasiyahan ang iba’t ibang relasyon at pagbubuklod ng mga pamilya sa laman. Naniniwala sila na hindi mabubuhay ang mga tao nang wala ang kanilang mga mahal sa buhay. Bakit hindi mo iniisip kung paano ka dumating sa mundo ng tao? Dumating ka nang mag-isa, nang orihinal na walang relasyon sa iba. Dinadala rito ng Diyos ang mga tao nang paisa-isa; nang dumating ka, ang katunayan ay mag-isa ka. Hindi mo naramdaman na nag-iisa ka noong panahong iyon, kaya bakit ngayong dinala ka ng Diyos dito pakiramdam mo nag-iisa ka? Iniisip mong wala kang kapareha na mapapagkatiwalaan mo, mga anak mo man ito, mga magulang mo, o kabiyak mo—ang iyong mister o misis—kaya naman pakiramdam mo nag-iisa ka. Kung gayon, kapag nararamdaman mong nag-iisa ka, bakit hindi mo iniisip ang Diyos? Hindi ba isang katuwang ang Diyos sa tao? (Oo, katuwang Siya.) Kapag nakakaramdam ka ng labis na pagdurusa at kalungkutan, sino ang tunay na dumadamay sa iyo? Sino ang tunay na makakalutas ng iyong mga paghihirap? (Ang Diyos.) Ang Diyos lamang ang tunay na makakalutas ng mga paghihirap ng mga tao. Kung ikaw ay may sakit, at ang iyong mga anak ay nasa iyong tabi, binibigyan ka ng inumin, at nagbabantay sa iyo, lubos kang masisiyahan, ngunit pagdating ng panahon, magsasawa ang iyong mga anak at wala nang sinuman ang magnanais na magbantay sa iyo. Sa mga ganoong pagkakataon mo mararamdamang tunay kang nag-iisa! Kaya ngayon, kapag naiisip mo na wala kang kapareha, totoo ba talaga iyon? Hindi naman, dahil palagi kang sinasamahan ng Diyos! Hindi iniiwan ng Diyos ang tao; Siya iyong tipo na puwede nilang asahan at silungan sa lahat ng oras, at ang kanilang tanging mapagkakatiwalaan. Kaya, anuman ang mga paghihirap at pagdurusang dumarating sa iyo, anuman ang mga daing, o mga negatibong bagay ang kinahaharap mo, kung ikaw ay agad na lalapit sa Diyos at mananalangin, ang Kanyang mga salita ay magbibigay sa iyo ng ginhawa, at lulutasin ang iyong mga paghihirap at ang lahat ng iyong iba’t ibang problema. Sa kapaligirang tulad nito, ang iyong kalungkutan ang magiging pangunahing kondisyon upang maranasan ang mga salita ng Diyos at makamit ang katotohanan. Habang nararanasan mo ito, unti-unti mong maiisip: “Maganda pa rin ang buhay ko pagkatapos kong iwan ang aking mga magulang, may kasiya-siyang buhay pagkatapos iwan ang aking asawa, at isang mapayapa at masayang buhay pagkatapos iwan ang aking mga anak. Hindi na ako hungkag. Hindi na ako muling aasa sa mga tao, sa halip ay aasa ako sa Diyos. Pagkakalooban Niya ako at tutulungan sa lahat ng pagkakataon. Bagama’t hindi ko Siya mahawakan o makita, alam kong nasa tabi ko Siya sa lahat ng oras, at sa lahat ng lugar. Hangga’t nananalangin ako sa Kanya, hangga’t tumatawag ako sa Kanya, aantigin Niya ako, at ipapaunawa sa akin ang Kanyang mga layunin at ipapakita ang tamang landas.” Sa sandaling iyon, talagang magiging Diyos mo Siya, at ang lahat ng problema mo ay malulutas.
Sipi 84
Ang Taiwan ay isang demokrasya na may matatag na lipunan kung saan nabubuhay sa kasaganaan ang mga tao. Ang kaayusang pampubliko, kalidad ng buhay, mga pagpapahalagang pangkultura, at iba pa ay mas mabuting lahat kaysa sa mainland Tsina. Namumuhay nang napakakomportableng buhay ang mga tao. Bagamat ang pamumuhay nang komportable ay isang mabuting bagay, maraming taong nananalig sa Diyos at nabubuhay sa kaginhawahan ang ayaw sumunod sa Kanya, ni magdusa o magbayad ng halaga. Napakahirap na talikuran ang lahat ng mayroon sila at gugulin ang sarili nila para sa Diyos. Hindi ba’t ganito talaga? Kapag ang mga tao ay nabubuhay nang komportable, palagi nilang iniisip ang pagkain, pag-inom, at pagsasaya, kung paano nila tatamasahin ang laman at tatamasahin ang buhay. Ito ay may partikular na epekto sa mga taong nananalig sa Diyos at naghahangad sa katotohanan. Kaya, maraming tao sa ganitong komportableng kapaligirang panlipunan ang nagnanais na gampanan ang kanilang mga tungkulin ngunit nahihirapan silang gawin ito. Ayaw nilang magtiis ng kahit kaunting pagdurusa, at hindi sila nagtatrabaho nang mahusay kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin o kapag gumagawa sila ng iba’t ibang uri ng gawain para sa iglesia. Minsan, ang paglago ng kanilang gawain ay apektado, at ito ay mayroong partikular na kaugnayan sa kanilang kapaligirang panlipunan. Naaantig Akong makita na sa tuwing nagtitipon tayo, nagagawa ninyong umupo rito at makinig sa mga sermon mula sa simula hanggang sa katapusan. Ang ilang tao sa mainland Tsina ay nakakapanalig sa Diyos dahil sila ay sinisikil ng kapaligiran nila, inaapi, nakararanas ng diskriminasyon mula sa lipunan, at nagdurusa ng labis na pag-uusig, habang ang ibang tao ay nananalig sa Diyos dahil lamang sa naghahanap sila ng patas na pagtrato at katwiran, o ng espirituwal na suporta at ng isang bagay na masasandalan. Para sa ilang tao, ang kanilang sigasig, pananampalataya at katapatan ay napukaw sa ilalim ng malupit na pag-uusig ng malaking pulang dragon. Ang iba ay napilitang tumakas papunta sa ibayong dagat dala ng pangangailangan dahil napakahirap na manalig sa Diyos sa mainland Tsina at maraming tao na ang nahuli—wala na silang mapagtataguan. Ang mga ito ang dahilan kaya tumatakas sila papunta sa ibayong dagat. Kumpara sa mapang-api at malupit na kapaligirang pinamumuhayan sa mainland Tsina, napakadali nito para sa mga mamamayan sa Taiwan. Sa ganitong komportableng buhay, ang mga nananalig sa Diyos ay ayaw magdusa o magbayad ng halaga, at kapag nahaharap sila sa anumang pag-uusig o kapighatian ay ayaw na nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin. Nagpapakasaya lang ang mga tao sa pagkain, pag-inom at pagsasaya kapag ang buhay ay ganito kakomportable. Palagi nilang inaalala ang mga bagay gaya ng: “Ano ang dapat kong kainin? Saan ako dapat maglakbay? Aling mga bansa ang hindi ko pa napupuntahan? Ang buhay ng isang tao ay ilang dekada lamang. Kung hindi ko papasyalan ang mga bansa sa buong mundo at palalawakin ang kaya kong abutin, hindi ba’t mabubuhay lamang ako nang para sa wala?” Ganito nagiging magulo at hindi makontrol ang puso ng isang tao. Tahimik pa rin bang makakain at maiinom ng isang tao ang mga salita ng Diyos sa harap ng Diyos kung ganito? Makakapakinig pa rin ba nang mabuti ng mga sermon ang isang tao sa mga pagtitipon? Tiyak na magiging mahirap ito. Kaya, kapag ang isang tao ay hinikayat na manalig sa Diyos, hangarin ang katotohanan, at gampanan ang kanyang tungkulin, pakiramdam niya ay hindi makatarungan ang pagtrato sa kanya at na sinisikil siya at patuloy niyang nadaramang parang nabubuhay siya para sa wala. Hindi ba’t ang kanais-nais na kapaligirang ito ay nagiging isang matinding tukso at hadlang para sa mga tao? Oo. Naghahangad ang lahat ng tao ng mga kaginhawahan ng laman, ngunit para sa mga nananalig sa Diyos at naghahangad sa katotohanan, ang kaginhawahan ay hindi palaging isang mabuting bagay pagdating sa paglago sa buhay. Nagiging negatibo at mahina ang karamihan ng tao kapag nagdurusa sila nang kaunti at wala silang anumang lakas para magpatuloy; hindi ba’t ito ang resulta ng isang komportableng kapaligiran? Mayroong lahat ng uri ng mga video ng patotoong batay sa karanasan na nagpapakita sa mga kapatid sa mainland Tsina na pinahihirapan sa kulungan, sinesentensiyahan, at ikinukulong. Nakita na ba ninyong lahat ito? (Nakita na namin.) At anong pakiramdam ninyo tungkol sa kanila pagkatapos ninyo silang makita? (Diyos ko, gusto kong magsalita nang kaunti tungkol sa nararamdaman ko. Pagkatapos kong makita ang mga kapatid sa mainland Tsina na nakararanas ng lahat ng pag-uusig na iyon sa pamamagitan ng pagpapahirap at makita kung paanong nagagawa nilang manalangin sa Diyos, umasa sa Kanya, at panghawakan ang kanilang pananampalataya sa ganoon kahirap na kapaligiran, nakararanas nang hakbang-hakbang sa ilalim ng pamumuno ng Diyos habang pinaninindigan ang kanilang patotoo at hindi Siya ipinagkakanulo, pakiramdam ko ay mas may pananampalataya sila at mas mataas ang tayog nila kaysa sa amin. Kung ako ang nasa ganoong uri ng kapaligiran, hindi ko siguradong makapaninindigan ako gaya nila, na nagdudulot sa aking maramdaman na napakababa ng aking tayog.) Ang mga kapatid sa mainland Tsina ay nananalig pa rin sa Diyos, dumadalo sa mga pagtitipon, at gumaganap sa kanilang mga tungkulin sa isang kapaligiran kung saan dumaranas sila ng malupit na pag-uusig mula sa malaking pulang dragon. Ito ay isang patotoo, isang makapangyarihang patotoo. Isang patotoo na sila ay nakapaninindigan sa ganoon kalupit na kapaligiran, kaya kayong nasa ganitong komportableng kapaligiran ay dapat na pagnilayan kung paano kayo makapagbibigay ng isang naiibang uri ng patotoo. Una, dapat ninyong pahalagahan ang lahat sa buhay na ito at ang mga kapaligirang ito na ibinigay ng Diyos sa inyo. Gayundin, dapat ninyong pagnilayan kung paano ninyo magagawa, sa isang kapaligirang gaya nito, na panindigan ang inyong patotoo, hindi ilagay sa kahihiyan ang Diyos, at maging mga mananagumpay. Maaaring hindi makaranas ng panunupil at pag-uusig sa pamamagitan ng pagpapahirap mula sa gobyerno ang isang taong nananalig sa Diyos sa isang demokratikong bansa, ngunit may pag-uusig na magmumula sa pamilya at mga kamag-anak, at kailangan pa rin ng isang tao na maranasan ang mga salita ng Diyos, makamit ang katotohanan, at mapanindigan ang kanyang patotoo. Ano pa man ang kapaligiran kung saan nananalig sa Diyos ang isang tao, hindi madaling bagay ang makamit ang katotohanan. Kailangan mong magdusa at magbayad ng halaga upang maunawaan mo ang katotohanan at makapasok ka sa realidad. Upang makapagpatotoo ka tungkol sa Diyos, kailangan mong maunawaan ang katotohanan sa lahat ng aspekto ng karanasan. Hindi lamang ito nangangahulugan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo at ng pangalan ng Diyos; ito ay pangunahing tumutukoy sa patotoong batay sa karanasan sa buhay. Sa anumang grupo ng mga tao o sa ilalim ng kaayusang panlipunan ng anumang bansa, makararanas ang mga tao ng ilang diskriminasyon, pagbubukod, o pag-uusig kung mamumuhay sila alinsunod sa katotohanan, magsisikap na maging matatapat na tao at magsisikap na magpasakop sa Diyos. Ito ay dahil hindi rin nagpapasakop sa Diyos ang mga demokratikong bansa. Mayroong mga ateistang partidong politikal na nasa kapangyarihan, at tinatanggihan din nila ang katotohanan at tinatanggihan ang Diyos. Sa pananalig sa Diyos sa bansang gaya nito, kahit pa walang pag-uusig o kapighatian, magkakaroon ng ilang limitasyon gayundin ng pagdanas ng ilang diskriminasyon, paninirang-puri, panghuhusga, at pagkondena kung nais mong ipalaganap ang ebanghelyo at magpatotoo tungkol sa Diyos—totoo ang lahat ng ito. Kung hindi mo maunawaan nang malinaw ang mga ito, hindi ka isang tao na nauunawaan ang katotohanan. Ang pagtanggap at pagsunod kay Cristo sa anumang bansa ay may kaakibat na kaunting pag-uusig at kapighatian. Kailangan mong laging kumilos nang may pag-iingat at manalangin at bumaling sa Diyos, at dapat mayroon ka ring karunungan at katalinuhan. Anumang bansa at kapaligirang panlipunan ang kinaroroonan mo, ang lahat ng ito ay mayroong isang akmang kapaligirang inilatag at inihanda ng Diyos para sa iyo. Nakadepende ang lahat sa kung hinahangad ba ng isang tao o hindi ang katotohanan. Nagdadala ng mga tukso sa mga tao ang isang komportableng kapaligiran, habang ang pag-uusig sa pamamagitan ng pagpapahirap ay nagdadala rin ng mga tukso at pagsubok. May mga pagsubok ba sa isang komportableng kapaligiran kung gayon? Mayroon ding mga pagsubok ng Diyos. Isinaayos ng Diyos ang komportableng kapaligirang ito para sa iyo, at ang lahat ay nakadepende sa kung paano mo ito daranasin—kung ikaw ba ay ganap na mabibitag ng mga pain ni Satanas at ng tukso ni Satanas, o kung magagawa mo ba itong mapagtagumpayan sa lahat ng bagay at kung magagawa mo bang magpatotoo tungkol sa Diyos, nang pinanghahawakan mo ang iyong katapatan at tungkulin. Ang lahat ng ito ay nakadepende sa kung paano mo ito daranasin at sa mga pagpili mong gagawin. Ang mga kapatid sa mainland Tsina ay medyo mas mahirap ang kapaligiran, at binigyan sila ng Diyos ng mas mabigat na pasanin at naglatag Siya para sa kanila ng isang kapaligiran na medyo mas marahas, ngunit mas marami rin Siyang ibinigay sa kanila. Habang mas mahirap ang kapaligiran at mas malaki ang mga pagsubok na inilalatag ng Diyos, mas maraming nakakamit ang mga tao. Ngunit sa isang komportableng kapaligiran, nakakaranas din ang mga tao ng mga tukso at pagsubok sa lahat ng dako, at marami ring ibinigay ang Diyos sa iyo. Kung kaya mong mapagtagumpayan ang tukso sa tuwing mahaharap ka rito, hindi mas kaunti ang makakamit mo kaysa sa mga kapatid mo na nakararanas ng pag-uusig sa pamamagitan ng pagpapahirap. Kailangan din ng paghahangad sa katotohanan at pagkakaroon ng tayog upang mapagtagumpayan ito. Halimbawa, ang mga bagay na gaya ng pagiging kasama ang pamilya mo, pagkain at pag-inom nang maayos, libangan at kaaliwan, at ilang mga kalakaran sa lipunan na umaaliw sa laman at nagdudulot ng kasamaan ay mga tuksong lahat para sa iyo. Kapag nahaharap ka sa mga tuksong ito, hindi lamang kukunin ng mga ito ang atensyon mo, kundi guguluhin at aakitin ka pa ng mga ito. Kapag sinusunod mo ang mga makamundong bagay at kalakaran, iyan ang panahon na ang mga tukso ni Satanas, o maaari ding sabihin ng isang tao na mga pagsubok ng Diyos, ay lilitaw. Kakailanganin mong piliin kung paano ka tutugon sa mga tukso at pagsubok na ito, at ito ang oras na sinusubok ng Diyos ang mga tao at ipinakikita kung sino talaga sila. Ito ang panahon na ang mga sinabi ng Diyos sa iyo at ang mga katotohanang naunawaan mo ay dapat na magkaroon ng bisa. Kung ikaw ay isang taong naghahangad sa katotohanan at mayroon kang tunay na pananampalataya sa Diyos sa puso mo, magagawa mong mapagtagumpayan ang mga tuksong ito at makapanindigan at makapagpatotoo tungkol sa Diyos sa mga pagsubok na inilatag Niya para sa iyo. Kung sa halip na mahalin ang katotohanan ay minamahal mo ang mundo, minamahal mo ang mga kalakaran, minamahal mo ang pananabik sa kaaliwan at pagbibigay ng kasiyahan sa iyong laman, at minamahal mo ang isang buhay na walang saysay, susundin mo ang mga makamundong bagay na ito. Makakaramdam ka ng paghanga sa mga bagay na ito at maaakit ka at magiging pag-aari ka ng mga ito. Paunti-unti, mawawalan ng interes ang puso mo sa pananalig sa Diyos, magiging tutol ka sa katotohanan, at pagkatapos, sa gitna ng tukso, aagawin ka ni Satanas. Sa pagsubok na gaya nito, mawawala ang iyong patotoo. Maraming tao ang nakapakinig na ng maraming sermon at gumaganap ng kanilang mga tungkulin ngunit nakakaramdam pa rin sila ng kawalang-kabuluhan sa kanilang kalooban. Gustong-gusto pa rin nilang sundan ang mga artista at sikat na tao, sumabay sa mga uso, manood ng mga programang pangkasiyahan sa telebisyon, at manood pa nga ng maraming palabas buong gabi hanggang sa puntong sa gabi na sila gising. Naglalaro pa nga ng mga video game ang ilang kabataan. Sa kabuuan, hindi sila nagdadalawang-isip na gumastos ng kahit anong halaga at hangaring gaya ng isang panatiko ang mga usong bagay na ito. At bakit nila ito ginagawa? Ito ay dahil hindi nila nakamit ang katotohanan. May partikular na pakiramdam ang mga taong hindi nagkamit ng katotohanan, na tila ba walang malaking pagkakaiba sa pagitan ng pananalig sa Diyos at ng hindi pananalig sa Kanya. Nararamdaman pa rin nila ang kawalang-kabuluhan sa kanilang puso at na walang saysay ang kanilang buhay. Kung sumusunod sila sa mga kalakaran, nararamdaman nilang mas nasisiyahan sila, na medyo mas makulay ang buhay nila, at na medyo mas masaya sila sa bawat araw. Kung nananalig sila sa Diyos at hindi sila sumusunod sa mga kalakaran, nararamdaman pa rin nilang ang buhay ay walang kabuluhan at walang saysay. Ito ay dahil hindi nila minamahal ang katotohanan. Kampante mo ring masasabi na hindi nauunawaan ng mga taong ito ang katotohanan kahit kaunti at wala sa kanila ang katotohanang realidad, at samakatuwid ay hindi nila kayang mabuhay nang hindi sumusunod sa mga kalakaran. Hindi kailanman hinangad ng ilang tao ang katotohanan at hindi sila panatag kahit kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Hindi sila makapanindigan kapag nahaharap sila sa mga tukso, at sa huli ay kailangan nilang umatras. Ang ilang tao ay talagang masigasig at desidido kapag sinisimulan nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin, ngunit tumitigil sila sa pagnanais na gampanan ang mga ito kapag nahaharap sila sa mga tukso, nagiging pabasta-basta sila at walang debosyon. Walang patotoo rito. Kung kaya nilang bitiwan ang kanilang mga tungkulin sa oras na maharap sila sa mga tukso at piliin ang anumang maibigan nila, wala silang patotoo. Kung darating ang isa pang tukso, maaari nilang itatwa ang Diyos at naising sundan ang mga makamundong kalakaran at iwan ang iglesia. O kapag dumarating ang isa pang tukso, nagsisimula silang mag-alinlangan sa Diyos at hindi nga sila sigurado kung Siya ay umiiral, at naniniwala pa nga sila na sila ay nagmula sa mga unggoy. Ang mga taong ito ay ganap nang naagaw ni Satanas. Dahil nadaig sila ng lahat ng tuksong ito, hindi sila nananalangin sa Diyos o naghahanap sa katotohanan. Iniisip lamang nila ang kapalaran ng kanilang laman, at bilang resulta ay bigo silang panindigan ang kanilang patotoo. Paunti-unti, sila ay hinahatak ni Satanas papunta sa impiyerno at sa kalaliman ng kamatayan. Ibinigay na ng Diyos kay Satanas ang taong ito, at wala na itong anumang pagkakataon na maligtas. Sabihin mo sa Akin, hindi ba mahalaga ang paghahangad sa katotohanan? (Mahalaga ito.) Napakahalaga ng katotohanan. Ano ang magagawa ng katotohanan? Kahit papaano, matutulungan ka nitong mahalata ang mga pakana ni Satanas kapag nahaharap ka sa tukso, na malaman kung ano ang dapat mong gawin at ang hindi mo dapat gawin, at kung ano ang dapat mong piliin. Kahit papaano ay ipapaalam nito sa iyo ang mga bagay na ito. Ang pinakamahalagang bagay ay tutulungan ka ng katotohanan na makapanindigan sa tukso. Magagawa mong makapanindigan, nang matatag at hindi natitinag, habang pinanghahawakan mo ang tungkuling ibinigay ng Diyos sa iyo, nagiging matapat ka sa tungkuling ito, at kaya mong tanggihan si Satanas. Mapaninindigan mo ang iyong patotoo sa gitna ng mga pagsubok gaya ng ginawa ni Job. Ito ang dapat na makamit ng mga tao kahit papaano man lang.
Sipi 85
May mga prinsipyo ba sa inyong pananalangin sa Diyos? Sa anong mga sitwasyon kayo nananalangin sa Diyos? Ano ang mga nilalaman ng inyong mga panalangin? Nananalangin ang karamihan ng tao kapag sila ay nagdurusa: “Diyos ko, nagdurusa ako, nagmamakaawa ako na tulungan Mo ako.” Iyan ang una nilang sinasabi. Mabuti ba na laging sabihing nagdurusa ka tuwing nananalangin ka? (Hindi.) Bakit hindi? At kung hindi nga, bakit ganyan pa rin kayo magdasal? Nagpapakita ito na hindi ninyo alam kung paano manalangin o kung ano ang dapat sabihin at hanapin ng isang tao kapag lumalapit siya sa harapan ng Diyos. Ang alam lang ninyo ay manalangin sa Diyos kapag medyo nagdurusa kayo at kapag nalulungkot kayo, at sinasabi ninyong, “Diyos ko, nagdurusa ako! Sobrang miserable ako, pakiusap, tulungan Mo ako.” Ito ang panalangin ng isang taong kasisimula pa lang manampalataya sa Diyos. Ito ang panalangin ng isang sanggol. Kung ang isang tao ay ilang taon nang nananalig sa Diyos pero ganito pa rin manalangin, ito ay isang seryosong problema. Ipinapakita nito na bata pa rin sila sa kanilang pananampalataya at hindi pa lumalago sa buhay. Ang lahat ng nananalig sa Diyos ngunit hindi alam kung paano maranasan ang Kanyang gawain ay mga taong hindi pa lumalago sa buhay at hindi pa nakakapasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Kung ang isang tao ay talagang nag-iisip, dapat niyang pag-isipan kung paano maranasan ang gawain ng Diyos, pati na rin kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at kung paano maranasan at isagawa ang mga iyon. Saanman makarating ang mga salita ng Diyos, gayon din dapat ang karanasan ng isang tao; dapat niyang sundan ang mga salita ng Diyos papunta sa lugar na iyon. Kung kaya niyang isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos sa ganitong paraan, makakatagpo siya ng maraming problema, at natural na hahanapin niya ang katotohanan mula sa Diyos upang malutas ang mga ito. Kung lagi siyang nananalangin sa Diyos at naghahanap ng katotohanan para malutas ang kanyang mga paghihirap nang ganito, nararanasan niya ang gawain ng Diyos. Sa patuloy na paglutas ng kanyang mga problema, ang kanyang mga paghihirap ay unti-unting mababawasan at dahan-dahan niyang mauunawaan ang katotohanan, at magkakaroon siya ng kaalaman sa gawain ng Diyos. Malalaman niya kung paano makipagtulungan sa Diyos pati na rin kung paano magpasakop sa gawain ng Diyos. Iyon ang ibig sabihin ng pagpasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Hindi alam ng ilang taong nananalig sa Diyos kung paano maranasan ang Kanyang gawain. Lagi silang naguguluhan—binabasa nila ang mga salita ng Diyos pero hindi nila pinag-iisipan ang mga iyon; nakikinig sila sa mga sermon, pero hindi sila nakikipagbahaginan; at kapag may nangyayari sa kanila, hindi nila alam kung paano hanapin ang katotohanan, hindi rin nila alam kung paano arukin ang mga layunin ng Diyos, at hindi nila alam kung ano ang dapat nilang maging saloobin o kung paano sila dapat makipagtulungan. Hindi nila nauunawaan ang mga bagay na ito. Hindi sila eksperto sa mga bagay na ito at wala silang espirituwal na pang-unawa. Kahit anong problema ang dumating sa kanila, hindi sila kailanman nananalangin sa Diyos at hindi nila hinahanap ang katotohanan at sa kaibuturan ng kanilang puso ay hindi sila tunay na umaasa sa Diyos o gumagalang sa Kanya. Sinasabi lang nila, “Diyos ko, nagdurusa ako. Diyos ko, nagdurusa ako.” Paulit-ulit nilang sinasambit ang pariralang ito hanggang sa magsawa na at masuklam ang mga tao tuwing naririnig ito. Karamihan sa inyo ay ganoon manalangin, hindi ba? (Ganoon nga.) Sa mga panalangin ng mga tao, makikita kung gaano kaawa-awa ang kalagayan nila! Hinahanap mo lamang ang Diyos kapag nagdurusa ka. Kapag hindi ka nagdurusa o nahaharap sa mga suliranin, pakiramdam mo ay hindi mo kailangan ang Diyos at ayaw mo ring umasa sa Kanya. Gusto mo lang na sarili mo ang nasusunod. Hindi ba’t ito ang kalagayan mo sa ngayon? (Ito nga.) Kapag ang karamihan ng tao ay nakakaranas ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at sila ay pinupungusan ng mga ito, at pagkatapos ay pinagninilayan nila ang kanilang sarili at sinusubukan nilang kilalanin ang kanilang sarili, paano sila nananalangin? Pare-pareho lang ang sinasambit nila, “Diyos ko, nagdurusa ako. Diyos ko, nagdurusa ako.” Hindi ka ba nasusuklam sa mga salitang iyon? (Nasusuklam talaga.) Sa kalooban nila ay lantang-lanta na ang mga tao—kaawa-awa ang kanilang kalagayan! Tuwing nananalangin sila sa Diyos, sinasabi nila ang paulit-ulit lang na payak na parirala, nang walang kahit isang taos-pusong salita. Hindi nila hinahanap ang katotohanan at ayaw nilang malutas ang kanilang mga problema. Anong klaseng panalangin iyan? Ano ang problema kapag ang isang tao ay hindi makapagsabi ng mga taos-pusong salita sa panalangin at hindi niya alam kung ano ang kanyang mga pagkukulang? Kapag lumalapit ka sa harap ng Diyos, hindi mo ba Siya kailangan na bigyan ka ng liwanag tungkol sa anumang bagay? Hindi mo ba kailangan ng pananampalataya, o ng lakas, o ang Diyos bilang iyong masasandigan? Mas hindi mo ba kailangan na bigyan ka ng Diyos ng kaliwanagan at na gabayan ka Niya na tahakin ang iyong landas? Hindi mo ba kailangang maunawaan ang katotohanan para malutas ang mga problemang umiiral sa iyo? Hindi mo ba kailangan ang pagdidisiplina at pagkastigo ng Diyos, o ang Kanyang patnubay? Ang tanging kailangan mo lang ba sa Diyos ay ang paginhawahin Niya ang iyong pagdurusa? Hindi mo ba talaga nararamdaman sa puso mo na napakarami mong pagkukulang? Hindi maliit na problema ang hindi marunong manalangin; ipinapakita nito na hindi mo alam kung paano maranasan ang gawain ng Diyos, ipinapakita nito na hindi mo dinala sa tunay na buhay ang mga salita ng Diyos, at na bihira kang magkaroon ng anumang tunay na pakikipag-ugnayan sa Diyos sa iyong buhay. Sadyang hindi ka pa nakapagtatatag ng uri ng relasyon sa Diyos na dapat umiiral sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga tagasunod o sa pagitan ng mga nilikha at ng kanilang Lumikha. Kapag nahaharap ka sa isang problema, pinangungunahan ka ng mga pansarili mong palagay, kuru-kuro, iniisip, kaalaman, kaloob at talento, at mga tiwaling disposisyon. Wala kang kinalaman sa Diyos, kaya kapag humaharap ka sa Kanya, madalas ay wala kang masabi. Ito ang nakalulungkot na kalagayan ng mga taong nananalig sa Diyos! Lubhang kaawa-awa ang kondisyong ito! Sa kanilang espiritu, tuyot at manhid na ang mga tao. Wala silang nararamdaman pagdating sa mga espirituwal na bagay sa buhay, at wala rin silang anumang pagkaunawa sa mga ito, at kapag humaharap sila sa Diyos, wala silang masabi. Nasaan ka mang uri ng sitwasyon, anumang suliranin ang hinaharap mo, at anumang mga paghihirap ang nararanasan mo, kung wala kang masabi sa harap ng Diyos, hindi ba’t dapat pagdudahan ang pananampalataya mo sa Kanya? Hindi ba’t ito ay pagiging kaawa-awa ng tao?
Bakit kailangang manalangin ang mga tao sa Diyos? Ang pananalangin sa Diyos ang tanging daan ng tao para igalang ang Diyos at umasa sa Kanya. Kung walang pananalangin, ang mga bagay na ito ay hindi na pag-uusapan pa; ang pag-asa sa Diyos at paggalang sa Kanya ay nagagawa sa pamamagitan ng pananalangin. Makakamtan ba ng isang taong nananalig sa Diyos nang hindi nananalangin sa Kanya ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu? Makakamit ba ng taong ito ang gawain at patnubay ng Diyos? Kung hindi mo ipagkakatiwala sa Diyos ang iyong mga paghihirap at kung hindi ka mananalangin sa Kanya at hindi mo hahanapin ang katotohanan, paano Niya lulutasin ang iyong paghihirap? Paano ka Niya gagabayan na sumunod sa Kanya sa landas na hinaharap? Paano ka Niya ililigtas mula sa iyong tiwaling disposisyon? Masasabing ang pananalig sa Diyos nang hindi nananalangin ay hindi tunay na pananalig sa Kanya. Ang isang normal na relasyon sa pagitan ng tao at ng Diyos ay kailangang mabuo sa pamamagitan ng pananalangin, at kailangan itong mapanatili sa pamamagitan ng pananalangin. Ang pananalangin ang tanda ng pananalig ng tao sa Diyos; kung ang isang tao ba ay tunay na nagdarasal, ang tanging pamantayan para masubok kung ang relasyon ng taong iyon sa Diyos ay normal. Hangga’t ang isang tao ay bumibigkas ng mga taos-pusong salita kapag nananalangin, at hangga’t kaya niyang hanapin ang katotohanan kapag nananalangin, maaari niyang makamtan ang gawain ng Banal na Espiritu, at ito ay nagpapakita na normal ang kanyang relasyon sa Diyos. Kung ang isang tao ay bihirang manalangin, kung hindi siya makasambit ng mga taos-pusong salita, kung lagi siyang nag-iingat laban sa Diyos, ipinapakita nito na hindi normal ang kanyang relasyon sa Diyos. At kung ang isang tao ay talagang hindi nananalangin, ipinapakita nito na wala siyang anumang relasyon sa Diyos. Kung ang isang tao ay nananalangin nang mabuti at naaayon sa mga layunin ng Diyos, makakapagpasakop siya sa Diyos at siya ay isang taong minamahal ng Diyos; ang mga taong madalas na nagdarasal nang taos-puso ay mga taong tapat at may payak na pagmamahal sa Diyos. Kaya, ang lahat ng nananalig sa Diyos ngunit hindi nananalangin sa Kanya ay walang normal na relasyon sa Diyos. Lahat sila ay malayo sa Diyos, at sila ay mapaghimagsik at lumalaban sa Kanya. Karamihan sa mga taong hindi nananalangin sa Diyos ay hindi nagmamahal o naghahanap sa katotohanan at iyong mga hindi nagmamahal o naghahanap sa katotohanan ay hindi makakapanalangin nang taimtim. Anupaman ang mga paghihirap na dinaranas nila, hindi sila nananalangin, at kapag nananalangin naman sila, nais lamang nilang samantalahin ang Diyos upang mawala ang kanilang mga paghihirap at pagdurusa. Wala silang pakialam sa mga layunin ng Diyos, at hindi nila hinahanap sa kanilang mga paghihirap ang mga aspekto ng katotohanan na dapat nilang maunawaan at pasukin. Ang mga ganitong tao ay hindi nag-aasam sa katotohanan at wala silang tunay na pananampalataya sa Diyos—sa diwa, sila ay mga hindi mananampalataya. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, kailangan mong manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay. Kahit na hindi mo maramdaman kaagad pagkatapos mong manalangin, na ang iyong puso ay mas nagliwanag na o na nagkaroon ka ng landas ng pagsasagawa, hintayin mo ang Diyos, at habang naghihintay ka, basahin mo ang mga salita ng Diyos at hanapin ang katotohanan. Habang kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos o nakikinig ka sa mga sermon at pagbabahaginan, pagtuunan mong dalhin sa iyong pagninilay-nilay at paghahanap ang iyong mga problema. Kung praktikal kang makikipagtulungan sa ganitong mga paraan, maaaring sa isang iglap ay magkaroon ka ng malalim na pagkaunawa habang nagninilay-nilay ka sa mga salita ng Diyos o nakikinig sa mga sermon at pagbabahaginan. O maaaring maharap ka sa isang isyu at makapagbigay ito ng inspirasyon sa iyo, at matagpuan mo ang kasagutan sa mismong tanong na hinahangad mong lutasin. Hindi ba’t ito ay patnubay ng Diyos at Kanyang pagsasaayos? Kaya, ang taimtim na pananalangin sa Diyos ay maaaring maging epektibo, ngunit ang epektong ito ay hindi isang bagay na maaari mong makamtan agad-agad pagkatapos mong manalangin. Nangangailangan ito ng panahon, pakikipagtulungan at pagsasagawa. Walang makapagsasabi kung kailan ka liliwanagan at bibigyan ng kasagutan ng Banal na Espiritu. Ito ang proseso ng paghahanap sa katotohanan at pag-unawa rito, at ito ang landas kung saan lumalago sa buhay ang tao. Pagkatapos manalig sa Diyos sa loob ng maraming taon, kailangan ninyo pa ring matutong muli kung paano manalangin. Hindi pa rin kayo marunong manalangin, at sa tuwing may problema kayo, sumisigaw na lang kayo ng mga kasabihan at gumagawa ng mga resolusyon o kaya ay nagrereklamo sa Diyos at nagpapahayag ng inyong mga hinaing, sinasabi ninyo kung gaano kayo nagdurusa, o kung hindi naman ay nangangatwiran kayo at binibigyang-katwiran ninyo ang inyong mga sarili. Ito ang mga bagay na nasa puso ninyo, at hindi na kataka-taka na napakabagal ninyong tumanggap sa katotohanan. Kayo ay nalilihis. Hindi ninyo alam kung paano hangarin ang katotohanan, at mahirap sabihin kung ang ganitong pananalig sa Diyos ay magiging sapat na para makamtam ninyo ang kaligtasan.
Sipi 86
May isang linya sa isang himno ng iglesia na nagsasabing, “Ang lahat ng mga taong umiibig sa katotohanan ay mga kapatid.” Tama ang pahayag na ito. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan ang kabilang sa sambahayan ng Diyos; sila lamang ang tunay na mga kapatid. Iniisip mo ba na lahat ng madalas na dumadalo sa pagtitipon sa sambahayan ng Diyos ay mga kapatid? Hindi masasabing ganoon nga. Anong mga tao ang hindi mga kapatid? (Ang mga tutol sa katotohanan, mga hindi tumatanggap sa katotohanan.) Ang mga hindi tumatanggap sa katotohanan at tutol dito ay pawang masasamang tao. Lahat sila ay walang konsensiya o katwiran. Walang isa man sa kanila ang inililigtas ng Diyos. Walang pagkatao ang mga taong ito, hindi nila inaasikaso ang kanilang wastong gawain at nagwawala sila na gumagawa ng masasamang bagay. Nabubuhay sila ayon sa mga satanikong pilosopiya at gumagamit ng mga tusong pagmamaniobra at ginagamit, inuuto, at dinadaya ang iba. Hindi nila tinatanggap ni katiting na katotohanan, at pinasok nila ang sambahayan ng Diyos para lamang magtamo ng mga pagpapala. Bakit natin sila tinatawag na mga hindi mananampalataya? Dahil tutol sila sa katotohanan, at hindi nila tinatanggap ito. Sa sandaling pinagbabahaginan ang katotohanan, nawawalan sila ng interes, tutol sila rito, hindi nila kayang tiisin na mapakinggan ang tungkol dito, at nararamdaman nila na nakakabagot ito at hindi sila mapakali sa pagkakaupo. Malinaw na mga hindi sila mga mananampalataya at walang pananampalataya. Hindi mo sila dapat ituring bilang mga kapatid. Maaaring nais nilang mapalapit sa iyo upang mag-alok ng ilang benepisyo, sinusubukang bumuo ng ugnayan sa iyo gamit ang maliliit na pabor. Gayunpaman, kapag ibinabahagi mo ang katotohanan sa kanila, lumilihis sila sa walang kabuluhang usapan, tinatalakay ang mga bagay na ukol sa laman, trabaho, mga makamundong pangyayari, mga uso sa mga walang pananampalataya, mga damdamin, mga usaping pampamilya, mga panlabas na bagay na kagaya ng mga ito. Wala sa mga pinag-uusapan nila ang may kaugnayan sa katotohanan, sa pananalig sa Diyos, o sa pagsasagawa ng katotohanan. Ni hindi tinatanggap ng mga taong ito ang katotohanan. Hindi nila kailanman binabasa ang mga salita ng Diyos o ibinabahagi ang katotohanan, at hindi sila kailanman nananalangin o nagsasagawa ng mga espirituwal na debosyon. Mga kapatid ba ang mga taong ito? Hindi. Hindi isinasagawa ng mga taong ito ang katotohanan, at sila ay tutol sa katotohanan. Matapos nilang pasukin ang sambahayan ng Diyos at makitang laging kasama sa mga pagtitipon ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagbabahagi tungkol sa katotohanan, ang pag-uusap tungkol sa pagkilala sa sarili, at pagbabahaginan tungkol sa mga suliranin sa pagtupad ng mga tungkulin, tutol ang kanilang puso. Wala silang pagkaunawa o mga karanasan at walang anumang masasabi, kaya’t napapagod sila sa buhay iglesia. Palagi silang nagtataka, “Bakit laging nagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos? Bakit laging pinag-uusapan ang pagkilala sa sarili? Bakit walang paglilibang o kasiyahan sa buhay iglesia? Kailan matatapos ang ganitong uri ng buhay iglesia? Kailan tayo makakapasok sa kaharian at makatatanggap ng mga pagpapala?” Hindi kawili-wili para sa kanila ang pagbabahagi tungkol sa katotohanan at ayaw nila itong marinig. Masasabi ba ninyo na kapag may mga nangyayari sa mga taong ito ay hinahanap nila ang katotohanan? Kaya ba nilang magsagawa ng katotohanan? (Hindi nila kaya.) Kung hindi sila interesado sa katotohanan, paano nila maisasagawa ang katotohanan? Kung gayon, paano sila nabubuhay? Walang duda, nabubuhay sila nang ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, sila ay laging mapanlinlang at tuso, wala silang buhay ng normal na pagkatao. Hindi sila kailanman nananalangin sa Diyos o naghahanap ng katotohanan, bagkus ay hinaharap nila ang lahat ng bagay gamit ang mga panlilinlang, taktika, at pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo—na nagreresulta sa isang nakapapagod at masakit na pag-iral. Nakikisalamuha sila sa mga kapatid gaya ng pakikisalamuha nila sa mga walang pananampalataya, sinusunod nila ang mga satanikong pilosopiya at nagsisinungaling at nandaraya sila. Mahilig silang magsimula ng mga argumento at makipagtalo sa maliliit na bagay. Anumang grupo ang kanilang kinabibilangan, lagi nilang tinitingnan kung sino ang katugma nino, at kung sino ang kaalyado nino. Kapag nagsasalita sila, pinagmamasdan nilang maigi ang reaksiyon ng iba, lagi silang nakabantay, sinusubukang huwag mapasama ang loob ng sinuman. Lagi nilang sinusunod ang mga pilosopiyang ito para sa mga makamundong pakikitungo upang harapin ang lahat ng bagay sa kanilang paligid at ang kanilang mga pakikipag-ugnayan sa iba. Iyon ang dahilan kung bakit nagiging nakapapagod ang kanilang buhay. Bagama’t mukhang aktibo sila sa ibang tao, sa realidad, sila lamang ang nakakaalam sa kanilang mga paghihirap, at kung pagmamasdan mong maigi ang kanilang mga buhay, madarama mong ito ay nakapapagod. Para sa usaping may kinalaman sa katanyagan, kapakinabangan, o karangalan, iginigiit nilang linawin kung sino ang tama o mali, kung sino ang nakalalamang o nakabababa, at kailangan nilang makipagtalo para patunayan ang isang punto. Ayaw itong marinig ng iba. Sinasabi ng mga tao, “Puwede mo bang gawing simple ang iyong mga sinasabi? Puwede bang maging diretsahan ka? Bakit kailangan mong maging mababaw?” Masyadong komplikado at magulo ang kanilang mga iniisip, at nabubuhay sila sa gayong nakapapagod na buhay nang hindi napagtatanto ang mga nakatagong problema. Bakit hindi nila kayang hanapin ang katotohanan at maging tapat? Sapagkat tutol sila sa katotohanan at ayaw nilang maging tapat. Kung gayon, ano ang inaasahan nila sa buhay? (Ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at mga kaparaanan ng tao.) Ang pagkilos ayon sa kaparaanan ng tao ay madalas na humahantong sa mga resulta kung saan ang isang tao ay nagiging katawa-tawa o nalalantad ang pangit na bahagi ng kanyang pagkatao. Kaya naman, sa mas masusing pagsusuri, ang kanilang mga kilos, ang mga bagay na buong araw nilang ginagawa—lahat ay may kaugnayan sa sarili nilang dangal, katanyagan, pakinabang, at banidad. Na para bang nabubuhay sila sa isang sapot, kailangan nilang mangatwiran o magdahilan para sa lahat ng bagay, at lagi silang nagsasalita para sa sarili nilang kapakanan. Komplikado ang kanilang pag-iisip, nagsasalita sila ng napakaraming kalokohan, napakagulo ng kanilang mga salita. Lagi silang nakikipagtalo sa kung ano ang tama at mali, wala itong katapusan. Kung hindi nila sinusubukang magkamit ng karangalan, nakikipagkumpitensya sila para sa reputasyon at katayuan, at walang sandali na hindi sila nabubuhay para sa mga bagay na ito. At ano ang kahihinatnan nito sa huli? Maaaring nagkamit sila ng karangalan, pero yamot at sawa na ang lahat sa kanila. Nahalata na sila ng mga tao at napagtanto na ng mga ito na wala silang katotohanang realidad, na hindi sila isang taong taos-pusong nananalig sa Diyos. Kapag nagsasabi ang mga lider at manggagawa o ang ibang kapatid ng ilang salita para pungusan sila, matigas silang tumatangging tumanggap, pilit nilang sinusubukang mangatwiran o magdahilan, at sinusubukan nilang ipasa ang sisi. Sa mga pagtitipon, ipinagtatanggol nila ang kanilang sarili, nagsisimula sila ng mga argumento, at nag-uudyok ng kaguluhan sa mga hinirang ng Diyos. Sa kanilang puso, iniisip nilang, “Wala ba talagang lugar kung saan ko maipaglalaban ang aking punto?” Anong uri ng tao ito? Ito ba ay isang taong nagmamahal sa katotohanan? Ito ba ay isang taong naniniwala sa Diyos? Kapag naririnig nila ang sinuman na nagsasabi ng isang bagay na hindi naaayon sa kanilang mga layunin, lagi nilang gustong makipagtalo at humingi ng paliwanag; naiipit sila sa kung sino ang tama at kung sino ang mali, hindi nila hinahanap ang katotohanan at hindi ito tinatrato nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kahit gaano pa kasimple ang isang bagay, kailangan nila itong gawing napakakumplikado—gulo lang ang hanap nila, dapat lang sa kanila na mapagod nang husto! Marami sa mga problemang kinakaharap ng mga tao ay kagagawan din nila. Naghahanap sila ng gulo nang walang dahilan. Sa madaling salita, hindi nila ginugugol ang kanilang oras sa mga tamang bagay. Ito ang uri ng pamumuhay ng mga katawa-tawang tao. Ang ilang taong tuliro, bagaman hindi sila naiipit sa kung ano ang tama at mali, ay may napakababang kakayahahan na wala silang nauunawaang kahit anong bagay. Nabubuhay silang kagaya ng mga baboy, tulala. Ang dalawang uring ito ng mga tao ay ganap na magkaiba: Ang isa ay kumikiling sa kaliwa at ang isa naman ay sa kanan, subalit parehong mga walang pananampalataya. Ang gayong mga tao, gaano man karaming taon na silang nananalig sa Diyos o gaano man karaming sermon ang napakinggan nila, ay hindi kailanman mauunawaan ang katotohanan, lalo na kung ano ang pagsasagawa ng katotohanan. Kapag nahaharap sa anumang sitwasyon, hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan bagkus ay nabubuhay sila ayon sa mga kaparaanan ng tao at mga pilosopiya ni Satanas, na nauuwi sa nakakapagod at kahabag-habag na mga buhay. Tapat ba silang mga mananampalataya ng Diyos? Talagang hindi. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi talaga nananalig sa Diyos. Ang mga hindi talaga matanggap ang katotohanan ay hindi matatawag na mga kapatid. Yaon lamang mga nagmamahal at nagagawang tumanggap sa katotohanan ang mga kapatid. Ngayon, sino iyong mga hindi nagmamahal sa katotohanan? Sila ang mga walang pananampalataya. Ang mga hindi man lang tumatanggap sa katotohanan ay tinututulan at tinatanggihan ang katotohanan. Ang mas tiyak, sila ay pawang mga walang pananampalataya na pinasok ang iglesia. Kung nagagawa nila ang lahat ng klase ng kasamaan at ginugulo at ginagambala ang gawain ng iglesia, sila ay mga kampon ni Satanas. Dapat silang paalisin at itiwalag. Hinding-hindi sila maituturing na mga kapatid. Lahat ng nagpapakita sa kanila ng pagmamahal ay napakahangal at walang alam.
Sipi 87
Kung sa ngayon ay hindi pa ninyo nahahanap ang damdamin at mga prinsipyo ng pagiging isang banal, pinatutunayan nitong ang inyong buhay pagpasok ay masyadong mababaw, at na hindi pa ninyo nauunawaan ang katotohanan. Sa inyong ordinaryong pag-uugali at pag-asal, at sa kapaligirang inyong pinamumuhayan araw-araw, dapat kayong lumasap at magnilay nang maingat, makipagbahaginan sa isa’t isa, magpalakas ng loob ng isa’t isa, magpaalala sa isa’t isa, tumulong at mangalaga sa isa’t isa, at sumuporta at magtustos sa isa’t isa. May mga prinsipyo dapat sa kung paano mag-ugnayan ang magkakapatid. Huwag kayong laging magtuon sa pagkakamali ng iba, sa halip, dapat ninyong madalas na pagnilayan ang inyong sarili, at pagkatapos ay maagap na aminin sa iba kung anong mga bagay na nagawa ninyo ang nakagambala o nakapinsala sa kanila, at dapat kayong matutong magtapat at magbahagi. Sa ganitong paraan, magagawa ninyong maunawaan ang isa’t isa. Bukod pa riyan, kahit ano pa ang mangyari sa inyo, dapat ninyong tingnan ang mga bagay-bagay batay sa mga salita ng Diyos. Kung mauunawaan ng mga tao ang mga katotohanang prinsipyo at makakahanap sila ng landas sa pagsasagawa, magkakaisa sila sa puso at isip, at magiging normal ang ugnayan sa pagitan ng mga kapatid, at hindi sila magiging kasingwalang-malasakit, kasinglamig, at kasinglupit ng mga walang pananampalataya, at matatanggal ang kanilang mentalidad ng pagdududa at kawalang-tiwala sa isa’t isa. Lalong magiging malapit ang loob ng mga kapatid sa isa’t isa; magagawa nilang suportahan at mahalin ang isa’t isa; magkakaroon ng mabuting hangarin sa kanilang mga puso, at magkakaroon sila ng kakayahang maging mapagparaya at mahabagin sa isat isa, at susuportahan at tutulungan nila ang isa’t isa, sa halip na inalalayo ang loob sa isa’t isa, naiinggit sa isa’t isa, ikinukumpara ang kanilang sarili sa isa’t isa, at palihim na nakikipagkumpitensya at nagiging mapanlaban sa isa’t isa. Paano magagampanang mabuti ng mga tao ang kanilang tungkulin kung para silang mga walang pananampalataya? Hindi lamang nito maaapektuhan ang kanilang buhay pagpasok, mapipinsala at maaapektuhan din nito ang iba. Halimbawa, maaaring magalit ka kapag tiningnan ka nang masama ng mga tao, o kapag may sinabi silang hindi naaayon sa iyong kalooban, at kapag may ginawa ang isang tao na nakahahadlang sa iyo na mamukod-tangi, maaaring maghinanakit ka sa kanya, at hindi ka mapalagay at hindi ka maging masaya, at palagi mong isipin kung paano maibabalik ang reputasyon mo. Partikular na hindi ito mapagtagumpayan ng mga kababaihan at kabataan. Lagi silang nahuhumaling sa maliliit na pagtatalo at di-pagkakaunawaan, may tendensiya silang maging matigas ang ulo, at nabubuhay sila sa isang kalagayan ng pagkanegatibo. Ayaw nilang manalangin sa Diyos o kumain at uminom ng salita ng Diyos, na nakakaapekto naman sa kanilang buhay pagpasok. Kapag namumuhay ang mga tao ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon, napakahirap para sa kanila na maging payapa sa harapan ng Diyos, at napakahirap para sa kanila na isagawa ang katotohanan at mamuhay nang ayon sa mga salita ng Diyos. Para makapamuhay sa harapan ng Diyos, dapat muna ninyong matutuhan kung paano pagnilay-nilayan at kilalanin ang inyong sarili, at tunay na manalangin sa Diyos, at pagkatapos ay dapat ninyong matutuhan kung paano makisama sa mga kapatid. Dapat maging mapagparaya kayo sa isa’t isa, maging mapagbigay sa isa’t isa, at magawang makita kung ano ang mga kalakasan at magandang katangian ng iba—dapat matutuhan ninyong tanggapin ang mga opinyon ng iba at ang mga bagay na tama. Huwag ninyong bigyang-layaw ang inyong sarili, huwag kayong magkaroon ng mga ambisyon at ninanasa at huwag ninyong isiping lagi na mas mahusay kayo kaysa sa ibang mga tao, at pagkatapos ay isipin na bigating tao kayo, pinupuwersa ang ibang tao na gawin kung ano ang sinasabi ninyo, na sundin kayo, na tingalain kayo, at dakilain kayo—ito ay lihis. Kapag ang mapagmataas na disposisyon ng isang indibidwal ay hindi nalutas, at nasamahan ito ng mga lumalaking ambisyon at ninanasa, madali itong mauuwi sa kabuktutan. Kaya, iyong mga taong hindi kayang tanggapin ang katotohanan at bigong magnilay sa sarili at makilala ang kanilang sarili ay nasa matinding panganib. Lagi silang nagkikimkim ng mga ambisyon, laging nagnanais maging mga dakilang tao at mga taong higit sa karaniwan—ito ay kabuktutan, ito ay sukdulang pagmamataas. Nawalan na sila ng katwiran, hindi sila normal na tao, baluktot silang tao, at sila ay mga demonyo. Dahil pinangingibabawan ng mga mapagmataas na disposisyon, mababa ang tingin nila sa ibang tao sa kanilang mga puso, itinuturing nila ang mga ito na walang halaga at ignorante. Bigo silang makita ang mga kalakasan ng iba ngunit kaya nilang palakihin nang walang hanggan ang mga pagkukulang ng iba; kinamumuhian nila ang mga ito sa kanilang mga puso, at inihahayag at minamaliit nila ang mga pagkukulang na ito sa lahat ng pagkakataon, sinasaktan at pinasasama nila ang loob ng iba, at kalaunan ay sinasanhi nila na sumunod at makinig sa kanila ang ibang tao, o na matakot at magtago mula sa kanila ang mga ito. Kapag lumilitaw o umiiral ang ganitong ugnayan sa pagitan ng mga tao, ito ba ang gusto ninyong makita? Kaya ba ninyong tanggapin ito? (Hindi.) Halimbawa, ipagpalagay na medyo mas matangkad at may hitsura ka kaysa sa iba, kaya ka hinahangaan ng ilang tao. Bilang resulta, medyo nasisiyahan ka sa sarili mo at hinahamak mo naman iyong mga mas maliit at walang hitsura. Anong uri ang disposisyon ang nahahayag dito? Ang ilang tao ay may mapanglait na tingin sa mga hindi kagandahan ang hitsura, mga mas maliit, at mas hangal at mas mahinang mag-isip, at nagsasabi pa nga sila ng mga nanunuyang salita para kutyain ang mga ito. Tama bang tratuhin nang ganito ang mga tao? Pagpapamalas ba ito ng normal na pagkatao? Tiyak na hindi. Kaya, ano ang pinakatamang paraan ng pagharap sa ganoong sitwasyon? (Ang hindi manlibak ng iba dahil sa kanilang mga pagkukulang, at ang igalang ang iba.) Isa itong prinsipyo. Mukhang may kaunti kayong pagkaunawa rito. Kaya paano pinakikitunguhan ng Diyos ang mga tao? Hindi mahalaga sa Diyos kung ano ang hitsura ng mga tao, kung sila ba ay matangkad o maliit. Sa halip, tinitingnan Niya kung mabait ba ang kanilang puso, kung mahal ba nila ang katotohanan, at kung nagmamahal at nagpapasakop ba sila sa Kanya. Ito ang pinagbabatayan ng Diyos ng Kanyang pag-uugali sa mga tao. Kung kaya rin itong gawin ng mga tao, magagawa nilang pakitunguhan ang iba nang patas, at nang umaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Una sa lahat, dapat nating maunawaan ang mga layunin ng Diyos, at malaman kung paano pinakikitunguhan ng Diyos ang mga tao, kapag nagkagayon ay magkakaroon din tayo ng prinsipyo at landas sa kung paano pakikitunguhan ang mga tao. Sa pangkalahatan, may kaunting banidad ang lahat ng tao. Kapag nakatanggap sila ng ilang salita ng papuri, medyo nasisiyahan sila sa kanilang sarili, umaawit sila at naglalakad nang taas-noo. Isa itong paghahayag ng disposisyon ni Satanas. Kung hinuhusgahan at hinahamak din nila ang iba, anong uri ng disposisyon ito? Isa itong mabagsik, mapagmataas, at masamang disposisyon. Kung hindi makikilala at makikita ng mga tao ang kapangitan ng pamumuhay ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon, mahirap para sa kanila na iwaksi ang mga tiwaling disposisyong ito, at hindi nila maisasabuhay ang tunay na wangis ng tao.
Sipi 88
Sino ang nakatakdang pagbigyan ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos para maging buhay nila ito? Para kanino pinagbabahaginan ang katotohanan? (Para ito sa mga nagmamahal sa katotohanan at kayang tumanggap ng katotohanan.) Sino talaga iyong kayang magmahal sa katotohanan at tumanggap ng katotohanan sa kanilang puso? Kung mauunawaan mo ang tanong na ito, malalaman mo kung anong uri ng tao ang iniligtas ng Diyos. Una, dapat nating maunawaan na ang katotohanang ipinapahayag ng Diyos ay para sa mga nagtataglay ng pagkatao, katwiran, pagmamahal sa mga positibong bagay, at sa kamalayan ng kanilang konsensiya. Ang ibang tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan, at pagkatapos marinig ito, wala silang pakialam at nananatiling hindi apektado, hindi pinupuna ang kanilang sarili o walang anumang nararamdaman—patay sila kahit buhay sila, at nakatadhanang hindi magkaroon ng buhay pagpasok. Ilang tao ang magtatanong na, “Bakit nagpapakahirap ang Diyos na magsabi ng napakaraming salita gayong karamihan ng tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan, o nagtataglay ng mabuting pagkatao, o tumatanggap sa katotohanan, at hindi sila ang mga pakay ng pagliligtas, at sa halip ay mga tagapagserbisyo lang?” Tama ba ito? (Hindi. Bagaman karamihan sa mga tao ay hindi handang hangarin ng katotohanan, may isang maliit na grupo ang handa pa ring hangarin ito at mayroon silang pagkatao, at ang maliit na grupong ito ang gustong iligtas ng Diyos.) Tama iyan. Ang mga salita ng Diyos ay para sa mga tainga ng mga tao, hindi ng mga hayop o mga diyablo. Sa loob ng iglesia, sangkatlo o sanglima man ng mga tao ang kayang tumanggap ng katotohanan, sa alinmang kaso, minoridad ang mga taong mananatili sa huli. Kaya paano ba natin dapat sukatin kung sino ang taos-pusong mananampalataya ng Diyos, at kung sino ang maaaring manatili? Masusukat natin kung may konsensiya ang isang tao, kung may kamalayan ang konsensiya nila sa pamamagitan ng pakikinig sa mga salita ng Diyos, kung nauunawaan nila ang salita ng Diyos, kung nauunawaan nila ang katotohanan sa pamamagitan ng pakikinig sa mga sermon, at isinasagawa ito sa sandaling naunawaan nila ito, at kung kaya nilang baguhin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Batay sa mga bagay na ito, makikilatis natin kung sila ay mga taong tumatanggap ng katotohanan at mga tupa ng Diyos. Nagagawang makinig ng mga tupa ng Diyos sa tinig ng Diyos, tumutugon at may kamalayan sila pagkatapos makinig sa tinig Niya, at handa silang sumunod sa Diyos. Mga tupa ng Diyos ang mga taong ito. Ano ang tinataglay ng mga taong ito sa kanilang pagkatao? (Gusto ng mga taong ito ang mga positibong bagay, handang hangarin ang katotohanan, at mayroon silang kaunting konsensiya.) Bakit handa silang hangarin ang katotohanan? Kinapapalooban ang pagkatao nila ng pagmamahal sa katotohanan, konsensiya, at katwiran. Nakauunawa rin sila ng mga salita ng Diyos at ginagamit ang mga ito sa sarili nilang kalagayan, pagkatapos ay ginagawa nilang bahagi ng kanilang pang-araw-araw, ng kanilang buhay, at ng layunin, prinsipyo, at pundasyon ng kanilang pag-uugali at kung paano sila umasal ang mga salita ng Diyos. Ibig sabihin, nagiging realidad ng kanilang buhay ang mga salita ng Diyos, at nagagawa nilang isagawa ang mga salita ng Diyos. Ang mga taong ito ay mga tupa ng Diyos. May ilang tao na hindi mukhang masama sa panlabas at medyo inosente, subalit hindi nila naisasagawa ang mga salita ng Diyos pagkatapos nilang marinig ang mga ito. Ang mga taong ito ay hindi mga tupa ng Diyos. Maraming ganitong tao sa mga trabahador na hindi nakauunawa ng mga salita ng Diyos gaano man nila pakinggan ang mga ito, at lalong hindi nila naisasagawa ang mga salita ng Diyos. Nagagawa nilang manalig sa Diyos nang ilang taon nang hindi nagkakamit ng buhay. Samakatuwid, dapat maunawaan ng mga tao kung sino ang eksaktong maaaring mailigtas ng mga salita ng Diyos. Pagdating sa mga taong inililigtas ng Diyos, hindi mahalaga kung gaano karami ang naroon. Kahit isang tao lang ang nakauunawa sa mga salita ng Diyos, gagawin pa rin Niya ang gawain na dapat gawin. Gaya ng alam ng marami, walong tao lang ang nailigtas noong binuo ni Noe ang arka. Mula sa panahon ng Lumang Tipan hanggang sa kasalukuyan, kakaunti ang nailigtas. Sa Kapanahunan ng Kautusan noong hindi pa pormal na ginawa ng Diyos ang gawain ng pagliligtas o nagbigay ng katotohanan sa sangkatauhan, ilan ang tinanggap ng Diyos? Marami ba? Sobrang kakaunting tao ang nagkamit ng Kanyang pagsang-ayon noong panahong iyon. Paano naman ang gawain sa mga huling araw? Bagaman minoridad ang bilang ng mga taong kayang tumanggap ng katotohanan sa pamamagitan ng paghatol, pagkastigo, pagsubok, at pagpipino, mas malaki pa rin ang bilang na ito kaysa iyong nakamit ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Ngayon, may kaunting taong kayang maghandog ng patotoong batay sa karanasan at may ilan na talagang nagbago ng kanilang disposisyon, kaya paanong hindi makakamit ng puso ng Diyos ang kaunting kagaanan ng loob mula rito?
Kapag nakikita ninyo na karamihan ng mga tao sa iglesia ay nananalig sa Diyos nang ilang taon subalit hindi naghahangad ng katotohanan, hindi talaga nagbago, at tulad pa rin ng mga walang pananampalataya, negatibo ba kayo? (Minsan medyo negatibo ako, subalit nakikita ko na gaano man kamapaghimagsik ang isang tao o gaano man kababa ang kanyang kakayahan, hangga’t tama ang kanyang puso at handa siyang magsikap sa paghahangad ng katotohanan, patuloy na kikilos ang Diyos sa kanya nang may pinakamalaking pasensya, unti-unting binibiyak-biyak at pinipira-piraso ang katotohanan, at nakikipagbahaginan sa kanila nang mas detalyado hangga’t maaari. Labis akong naantig nang makita kung gaano karami ang ibinabayad ng Diyos para gawing ganap ang sangkatauhan, hindi sumusuko hanggang magtagumpay Siya. Pakiramdam ko na gaano man kababa ang aking kakayahan, dapat subukan kong galingan pa, maging masipag sa aking paghahangad, at huwag panghinaan ng loob.) Kilalang katunayan ito na may mababang kakayahan o mapaghimagsik ang mga tao, subalit hindi kailanman sinabi ng Diyos na hindi ka maililigtas dahil dito. Kung hindi ka Niya ililigtas, bakit ka pa Niya sasabihan ng mga salitang ito, o gagastusan ng gayong halaga? Sa paggawa ng lahat ng mga bagay na ito, malinaw nang sinabi at lantarang ipinaalam anglayunin ng Diyos sa sangkatauhan. Hindi ito lihim kundi kilala, at mauunawaan ng sinumang may puso at espiritu; iyong mga hangal lang na walang espirituwal na pang-unawa ang maaaring maging negatibo, at iyong mga hindi nakauunawa ng katotohanan lang ang makadarama ng pagkabigo at pagkadismaya, pinaniniwalaan ang kanilang sarili na walang kakayahang mailigtas. Ang pinakamahalagang bagay tungkol sa pananalig sa Diyos ay na dapat mong paniwalaan ang lahat ng mga salita at katotohanang ito na sinasabi Niya. Hangga’t buo ang loob mo, at kaya mong isagawa ang katotohanan, maaari mong maging buhay ang mga ito. Hindi mahalaga kung gaano kahusto ang buhay mo sa huli, hangga’t positibo at maagap mong isinasagawa ang mga salita ng Diyos nang hindi sadyang nilalabag ang mga ito o ang katotohanan, isinasagawa hanggang sa abot ng iyong nauunawaan at nagsisikap para sa katotohanan, at ginagampanan ang iyong tungkulin nang buo mong puso at lakas, aabot ito sa pamantayan. Hindi mataas ang mga hinihingi ng Diyos sa tao. Ang mga katotohanang pinagbahaginan ng Diyos ay komprehensibo, at ang Kanyang mga salita ay partikular na detalyado at partikular. Bakit nagsasalita sa ganitong paraan? Ito ay para sa lahat ng sangkatauhan, hindi lang sa isang maliit na grupo o ilang uri ng tao. Sa lahat ng mga katotohanang ipinagkakaloob sa buong sangkatauhan, may limitasyon sa kung ano ang maaari mong isagawa at makamit. Bakit Ko sinasabing may limitasyon? Dahil magkakaiba ang kakayahan, pananaw, at abilidad na umunawa ng lahat ng tao, gayundin ang mga kapaligirang isinasaayos ng Diyos para sa kanila at ang mga tungkuling ginagampanan nila, inaakay ng mga “pagkakaibang” ito ang bawat tao para makapagsagawa at makapasok sa bahagi lang ng salita ng Diyos, at limitado ang maaari nilang makamit o maisagawa. Halimbawa, karapat-dapat ba kung maranasan ng isang tao ang pagsubok ng sakit, nababatid na mula sa Diyos ang pagsubok, subalit iniisip na dapat iparanas ng Diyos sa lahat ng tao ang pagsubok ng sakit? (Hindi, hindi ito karapat-dapat.) Ganap itong nagmumula sa kalooban ng tao. Iba-iba ang paggawa ng Diyos sa lahat ng tao, at ang pagsubok na ito ay nakatuon sa isang partikular na grupo ng tao. Gumagawa ang Diyos sa kanila para maiparanas sa kanila ang pagsubok ng sakit. Ano ang nakakamit ng lahat ng tao pagkatapos maiparanas ng Diyos sa isang grupo ng tao ang pagsubok ng sakit? Iyon ay, sa panahon ng pagsubok, dapat matutuhan ng mga tao kung paano magpasakop sa Diyos, malaman ang sarili nilang paghihimagsik, maituwid ang relasyon sa pagitan ng mga nilikha at ng Lumikha, maitama ang relasyon sa pagitan ng tao at ng Diyos, magawang maunawaan ang puso ng Diyos, makamit ang pagpapasakop sa Kanya at, anuman ang mangyari, hindi magkaroon ng maling pagkaunawa sa Diyos, kundi magpasakop lang. Ang aspektong ito ng katotohanan ay kung ano ang dapat makamit ng lahat ng tao. Kung makakamit mo ang aspektong ito ng katotohanan mula sa karanasan ng ibang tao, kailangan mo rin bang danasin ang pagsubok na ito? Hindi naman. Pinipili ng Diyos ang iba’t ibang tao—marahil ang tamang tao, o isang espesyal na tao—para maranasan ang pagsubok na ito at ang bahagi ng gawain ng Diyos. Ito ang ipinangako ng Diyos sa tao, at ito ang gagawin Niya. May ilang tao na nakaranas ng sakit na mawalan ng isang mahal sa buhay, at mula sa pagkawalang ito nagkaroon ng karanasan at patotoo, pagpapasakop sa Diyos, at tunay na pagsandig at paniniwala. Mula sa gawaing ginagawa ng Diyos sa isang partikular na grupo ng tao, makikita ng lahat ang patotoo na tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos at ang dapat piliin ng mga tao ay pagpapasakop, hindi pagsisiyasat, pananaliksik, o pangangatwiran sa Kanya, hinahayaan Siyang ipaliwanag ito nang malinaw at lubusan; dapat silang magpasakop nang walang kondisyon at walang reklamo. Dagdag pa rito, dapat matutuhan ng mga tao na maunawaan ang kahulugan at halaga ng lahat ng gawaing ginagawa ng Diyos. Mula sa mga paraang ito ng gawain ng Diyos, at sa lahat ng aspekto ng mga salita Niya, ang nararanasan ng bawat indibidwal ay maliit na bahagi lang ng mga salita ng Diyos. Sa loob ng maliit na bahaging ito, depende sa iyong kakayahan, sa pamilyang iyong kinalakihan, at sa tungkuling kasalukuyan mong ginagampanan, ang nararanasan mo sa mga salita ng Diyos ay ikasampung libong bahagi ng mga ito, o masasabi mo ring ikasampung libo lang. Kung papasok ka sa ikasampung libo at tunay na makakamit ang walang pasubali, ganap na pagpapasakop sa Diyos, ilagay mo ang iyong sarili sa posisyon ng isang nilikha, magpasakop ka sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Lumikha, at kamtin mo ang resultang gustong makamit ng Diyos sa iyo, gayon ay maililigtas ka. Madali itong maunawaan, at ito ang paraan ng mga bagay-bagay.
Ang susi sa pagganap ng inyong mga tungkulin ay na kayo ay dapat tapat. Ano ang katapatan? Nangangahulugan ito na pagiging seryoso at responsable, na ganap ninyong ginagampanan ang inyong mga responsabilidad, nang walang ni katiting na pagiging pabasta-basta. Kung pabasta-basta kayo, kapag may nangyaring mali tanda ito ng kahihiyan, at talagang hindi ito isang maliit na bagay. Dagdag pa rito, tungkol sa gawaing iniatas sa inyo sa sambahayan ng Diyos, ang lahat ng tao ay dapat lalong magbahaginan nang sama-sama, lalong maghanap ng mga katotohanang prinsipyo, at maghanap ng mga tamang prinsipyo. Kapag natuklasan ang mga problema dapat lutasin agad ang mga ito, kung hindi ay maagap na iulat iyong mga hindi malutas sa mga nakatataas. Pagsikapang tiyakin na magiging maayos, na walang hadlang, butas, o pagkaantala ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Gawin ninyo nang maayos ang inyong trabaho, itaguyod ang pagpapalaganap ng gawain ng ebanghelyo, at hayaang ganap na maisakatuparan ang kalooban ng Diyos sa mundo. Sa paraang ito, maayos na magagampanan ang inyong tungkulin. Sa katunayan, sa nasasaklaw ng pagganap ng tungkulin ng isang tao, ang mga ito ang kaunting aspekto ng katotohanan na kanilang maisasagawa, makakamit, at mababanggit, at ang pagpasok sa mga realidad ng mga katotohanang ito ay pagkamit sa pinakamababang pamantayan na hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Ang ilang tao ay may mahinang pananampalataya, ang ilang tao ay duwag, ang iba ay may mababang kakayahan, o may mga baluktot na pag-unawa, o may hangal na pag-iisip; ang mga ito at iba pang mga negatibo at pasibong bagay sa lahat ng mga aspekto ay makaaapekto sa abilidad ng mga taong isagawa ang katotohanan at epektibong gampanan ang kanilang mga tungkulin. Ginagawa ng Diyos ang mga hinihingi Niya sa mga tao batay sa kanilang kakayahan, karakter, at antas ng pagkaunawa sa katotohanan. Ano ang pamantayan ng hinihinging ito? Tinitingnan ng Diyos kung taos-puso ang isang tao sa kanyang pananalig sa Diyos at kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan; ang mga ito ang dalawang pinakamahalagang kondisyon. Ang ilang tao ay natural na mangmang, may pagkabaluktot ang kanilang pang-unawa sa mga bagay-bagay, kulang sa kabatiran, mabagal matuto ng anumang bagay, tila hindi nakauunawa sa kung anuman ang sinasabi ng iba, at kinakailangang alalayan kapag tinuturuan—ang mga taong ito ay may napakababang kakayahan, at hindi ito kailanman magbabago. May ibang may mayamang kaalaman, o puno ng malalim na karunungan, mukha silang matalino sa panlabas, subalit madali silang magkaroon ng mga pagkabaluktot sa pang-unawa ng mga usaping may kinalaman sa katotohanan. Kahit nauunawaan nila ang katotohanan, hindi pa rin nila matanggap ito, at ito ang nakamamatay nilang kapintasan. Ang taong tulad nito ay madaling maimpluwensiyahan ng kaalaman at doktrina kapag gumaganap ng kanyang mga tungkulin, at mahirap para sa kanyang kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo o magbago ng kanyang pananaw sa mga bagay-bagay. Kaya, ano ang dapat niyang gawin kapag gusto talaga niyang hangarin ang katotohanan? Ang susi ay makita kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan. Kung kaya niya, madaling malulutas ang problema, subalit kung matigas niyang tatanggihang tanggapin ang katotohanan tapos na ang laban. Hindi lang siya mabibigong gampanan nang maayos ang kanyang tungkulin, subalit natatakot Akong wala na ring paraan para maligtas siya. Hindi mahalaga ang antas ng edukasyon ng isang tao, o kung gaano siya kahusay—ang mahalaga ay kaya niyang tanggapin ang katotohanan at mahalin ang mga salita ng Diyos. Ang tinitingnan ng Diyos ay kung gaano karaming katotohanan ang kaya mong isagawa, pagkatapos na maliwanagan para maunawaan ito sa kapaligirang isinaayos Niya. Tinitingnan Niya kung gaano kalaki ng iyong sarili ang ibinibigay mo sa mga gawaing hinihingi Niya, kung gaano karaming lakas ang ibinibigay mo sa mga ito, kung gaano kalaking pagsisikap ang iyong iginugugol. Halimbawa, ikaw ay may katamtamang kakayahan, hindi masyadong edukado, mababa ang kakayahan mong makaarok, at medyo baluktot. Mga obhetibong katunayan ang mga ito. Subalit kapag may nangyaring isang bagay, at pinahihintulutan ka ng Diyos na makita ang mga kapintasan dito, na may problema rito, at kung kaninong responsabilidad ito, maibubunyag ng usaping ito kung kaya mong panindigan ang mga prinsipyo at kung nagsasagawa ka ng katotohanan. Kung tapat mong ginagampanan ang iyong tungkulin at taos-puso ka sa Diyos, ano, kung gayon, ang dapat mong gawin tungkol sa bagay na iyon? Ano ang dapat mong gawin para umayon sa katotohanan, para gawin ang hinihingi ng Diyos? Sa mga ganitong pagkakataon, hindi tinitingnan ng Diyos ang iyong kakayahan o kung gaano ka kaedukado, o kung gaano karaming taon ka nang nananalig sa Kanya; tinitingnan Niya ang iyong pananaw at saloobin sa bagay na nangyari, kung taos-puso ka ba, at, kung isinasaalang-alang mo ba ang iyong konsensiya sa panahong iyon. Kung taos-puso ka sa Diyos, magkakaroon ka ng pagpapahalaga sa responsabilidad, iisipin mo na, “Maaaring hindi bumagsak sa akin ang bagay na ito, subalit may kinalaman ito sa gawain ng iglesia. Kailangan kong magtanung-tanong at makinig ng mas marami pa tungkol dito.” At pagkatapos mong magtanung-tanong, maaaring malaman mo na naging tamad at iresponsable ang superbisor, na hindi niya sineryoso ang usapin at inantala ito. Pagkatapos ay hahanapin mo ang superbisor at makikipagbahaginan ka sa kanya, agad na itatama ang isyu. Hindi mo na kakailanganing humanap mula sa Itaas; malulutas mo na ang problema sa iyong sarili. Ikaw ay may ordinaryong kakayahan at may kaunting pagkukulang at kapintasan, subalit makaaapekto ba ang mga bagay na iyon sa pagsasagawa mo ng katotohanan? Makaaapekto ba ang mga ito sa pagtupad mo ng iyong tungkulin o sa katapatan mo sa Diyos? Hindi makaaapekto ang mga ito. May ilang tao na nagsasabi na hangal sila at baluktot ang kanilang pagkaunawa, may ilang nagsasabi na wala silang espirituwal na pang-unawa, at may ibang nagsasabi na mababa ang kanilang kakayahan at hindi sila edukado. Kung gayon, hindi ba maaaring isagawa mo na lang ang katotohanan kapag may isang bagay na nangyayari? Hindi tinitingnan ng Diyos ang kakayahan ng mga tao o ang antas ng kanilang edukasyon. Walang masyadong kinalaman ang mga bagay na ito sa pagsasagawa ng katotohanan. Walang epekto ang mga kakulangan at kapintasang ito sa pagsasagawa mo ng katotohanan, o sa katapatan mo sa Diyos, o sa responsabilidad na kinukuha mo sa pagtupad ng iyong tungkulin. Tinitingnan ng Diyos kung taos-puso ka ba—ito ang pinakapraktikal, at ito ang isang bagay na kayang kamtin ng mga tao. Ginagamit ng Diyos ang pinakapraktikal na paraan para sukatin ang bawat tao. Sinasabi ng ilang tao na, “Mababa ang aking kakayahan, ignorante ako, masyado akong maraming alam, naiimpluwensiyahan nito ang pagsasagawa ko ng katotohanan.” Palusot ang lahat ng ito, at walang katibayan ang mga ito. Pero bakit? Dahil hindi sa ganyang paraan sinusukat ng Diyos ang mga tao. Sarili mo iyang pamantayan, hindi sa Diyos. Ano ang pamantayan ng Diyos kapag sinusukat ang isang tao? Tinitingnan ng Diyos kung tapat ang isang tao sa Kanya at kung sila ay taos-puso. Kung tapat ka sa Diyos, hindi mahalaga kung medyo baluktot o kakatwa ang iyong pagkaunawa. Sinasabi ng ilang tao na, “Wala akong espirituwal na pang-unawa.” Puwes, tapat ka ba sa Diyos? Kung oo, hindi ito makaaapekto sa pagsasagawa mo ng katotohanan. Malinaw na ba ito? Kung ikaw ay tapat sa Diyos, at taos puso mong ginagampanan ang iyong tungkulin, maaari ka pa rin bang maging negatibo at mahina kapag pinungusan ka? Ano ba ang dapat gawin kung ikaw ay talagang negatibo at mahina? (Dapat kaming manalangin sa Diyos at umasa sa Diyos, sikapin naming isipin kung ano ang hinihingi ng Diyos, pagnilayan kung ano ang kulang sa amin, kung anong mga pagkakamali ang nagawa namin; kung saan kami nadapa, doon kami dapat bumangong muli.) Tama iyan. Hindi malalaking problema ang pagiging negatibo at mahina. Hindi kinokondena ng Diyos ang mga ito. Basta’t kaya ng isang tao na bumangong muli kung saan siya nadapa, at matutuhan ang kanyang leksiyon, at normal na gampanan ang kanyang tungkulin, iyon na iyon. Walang sinumang maninisi sa iyo, kaya huwag kang maging negatibo nang walang katapusan. Kung iwawaksi mo ang iyong tungkulin at tatakasan iyon, mapapahamak ka nang tuluyan. Lahat ay negatibo at mahina kung minsan—hanapin lamang ang katotohanan, at madaling malulutas ang pagiging negatibo at mahina. Ang kalagayan ng ilang tao ay lubos na nagbabago sa pagbabasa lang ng isang kabanata ng mga salita ng Diyos o pagkanta ng ilang himno; kaya nilang ipagtapat ang nilalaman ng kanilang puso sa pagdarasal sa Diyos, at kaya nila Siyang purihin. Hindi ba nalutas na ang kanilang problema pagkatapos niyon? Sa katunayan, ang mapungusan ay talagang mabuting bagay. Kahit pa ang mga salitang nagpupungos sa iyo ay medyo mabagsik, medyo masakit, iyon ay dahil kumilos ka nang walang katwiran, at nilabag mo ang mga prinsipyo nang hindi mo namamalayan—paanong hindi ka pupungusan sa gayong sitwasyon? Ang pagpupungos sa iyo sa ganitong paraan ay para tulungan ka talaga, ito ay pagmamahal para sa iyo. Dapat mong maunawaan ito at huwag kang magreklamo. Kaya, kung nagdudulot ng pagkanegatibo at reklamo ang pagpupungos, kahangalan at kamangmangan iyon, pag-uugali ito ng isang taong walang katwiran.
Ano ang pinakamahalagang bagay na dapat pagtuunan kapag nananalig sa Diyos? Mataas man o mababa ang kakayahan ng isang tao, may espirituwal na pang-unawa man siya, o anumang uri ng pagpupungos ang kinakaharap niya—wala sa mga ito ang mahalaga. Ano ang mahalagang bagay sa mga panahong ito? Ito ay kung paano kayo pumapasok sa katotohanang realidad. Para magawa ito, ano ang pinakapangunahing bagay na dapat taglayin ang isang tao? Dapat ay may tapat silang puso. Ano ang ibig sabihin ng pagiging tapat? Ang ibig sabihin nito ay ang hindi pagiging mapanlinlang kapag may mga bagay na nangyayari sa iyo, hindi pagsasaalang-alang sa sarili mong interes, hindi pakikipagsabwatan at pagpapakana kasama ang ibang tao, at hindi pakikipaglokohan sa Diyos. Kung kaya mong dayain ang Diyos at hindi maging tapat sa Kanya, ganap kang nasa panganib at hindi ka ililigtas ng Diyos, kaya para saan pa ang pag-unawa sa katotohanan? Maaaring mayroon kang espirituwal na pang-unawa, may mataas na kakayahan, mahusay magsalita, at mabilis makaarok ng mga bagay-bagay, maghinuha, at makaunawa sa lahat ng sinasabi ng Diyos, subalit kung makikipaglokohan ka sa Diyos kapag may mga bagay na nangyayari sa iyo, isa itong satanikong disposisyon at napakamapanganib. Walang silbi ang kakayahan mo gaano man ito kahusay, at hindi ka gugustuhin ng Diyos. Sasabihin ng Diyos na, “Magaling kang magsalita, may mataas na kakayahan, mabilis mag-isip, at may espirituwal na pang-unawa, subalit may isang problema lang—hindi mo minamahal ang katotohanan.” Iyong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay mapanggulo, at hindi sila gusto ng Diyos. Kung paanong buong-buong itatapon ang isang kotse na maayos tingnan subalit pangit ang makina, itatakwil ang isang tao na hindi mabuti ang puso. Tulad din nito ang mga tao: Gaano man kahusay tingnan ang iyong kakayahan, gaano katalino, kagaling magsalita, o kamaaasahan ka, o gaano kagaling ka sa paglutas ng mga problema, walang silbi ang lahat ng mga ito, at hindi ito ang pangunahing punto. Kung gayon, ano ang pangunahing punto? Tungkol ito sa kung nagmamahal sa katotohanan ang puso ng isang tao. Hindi ito tungkol sa pakikinig kung paano siya nagsasalita, kundi pagtingin sa kung paano siya kumikilos. Ang Diyos ay hindi tumitingin sa sinasabi o ipinapangako mo sa harap Niya; tinitingnan Niya kung ang ginagawa mo ba ay may katotohanang realidad. At saka, walang pakialam ang Diyos kung gaano kataas, kalalim, o kagiting ang iyong mga ikinikilos, at kahit na maliit na bagay ang ginagawa mo, kung nakikita ng Diyos ang pagiging taos-puso sa iyong bawat kilos, sasabihin Niyang, “Taos-pusong nananalig sa Akin ang tao na ito. Hindi siya kailanman nagyabang. Kumikilos siya ayon sa kanyang katungkulan. Bagama’t maaaring hindi malaki ang kanyang naiambag sa sambahayan ng Diyos at mahina ang kanyang kakayahan, matatag at may pagiging taos-puso siya sa lahat ng kanyang ginagawa.” Ano ang nilalaman ng “pagiging taos-puso” na ito? Naglalaman ito ng takot at pagpapasakop sa Diyos, gayundin ng tunay na pananampalataya at pagmamahal; naglalaman ito ng lahat ng nais makita ng Diyos. Maaaring hindi kapansin-pansin ang ganitong mga tao sa iba, maaaring sila ang taong tagaluto ng pagkain o tagalinis, isang taong nagsasagawa ng isang ordinaryong tungkulin. Ang ganitong mga tao ay hindi kapansin-pansin sa iba, walang anumang dakilang nagawa, at walang anumang kapita-pitagan, kahanga-hanga o kainggit-inggit tungkol sa kanila—mga ordinaryong tao lamang sila. Gayunpaman, ang lahat ng hinihingi ng Diyos ay nasa kanila, naisasabuhay nila, at ibinibigay nila ang lahat ng ito sa Diyos. Sabihin mo sa Akin, ano pa ba ang gusto ng Diyos? Nalulugod Siya sa kanila. Samakatuwid, huwag kang mawalan ng pag-asa o maging negatibo dahil lang masyadong mababa ang iyong tayog at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, o dahil nakikita mo ang iba na tinatahak ang landas ng pagpeperpekto pagkatapos pagdaanan ang mga paghihirap at maranasan ang mga pagsubok at pagpipino, at huwag mong iisiping hindi ka mahal ng Diyos, o na hindi Niya gustong perpektuhin ka. Bakit ka nagmamadali? Iba-iba ang ibinibigay ng Diyos sa bawat tao, at kapag sinusukat mo ang iyong sarili, sukatin mo muna kung ano ang ibinigay sa iyo ng Diyos at kung ano ang mga sarili mong kondisyon, at pagkatapos ay mauunawaan mo na mabuti ang lahat ng ginagawa ng Diyos. Maaaring sabihin ng isang tao na, “Mababa ang aking kakayahan. Mabuti pa rin ba ang ibinibigay sa akin ng Diyos?” Oo, mabuti ito. Puwedeng sabihin naman ng iba na, “Medyo mahina ang utak ko. Mabuti pa rin ba ang ibibinigay sa akin ng Diyos?” Oo, mabuti ang lahat ng ito. Bakit mabuti ang lahat ng ito? Kung hindi mahina ang utak mo, magiging mayabang ka at makalilimutan mo ang iyong lugar, kaya iniingatan ka nito at mabuting bagay ito. Kung lahat kayo ay may mas mahusay na abilidad at kasanayan kaysa sa kung ano ang mayroon kayo ngayon, sino ang makapananatiling ganito kabuti ang pag-uugali at ganito kagustong gampanan ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t ito ang kaso na may ilang tao na ganito, subalit hindi marami? (Oo.) Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay mabuti at tama, hindi nga lang ito malinaw na nauunawaan ng mga tao. Palaging mas marami ang hinahangad ng mga tao mula sa Diyos, na para bang kapag mas marami Siyang ibinibigay sa isang tao, mas maisasagawa nito ang katotohanan, subalit hindi talaga ito ang kaso. Sapat na ang ibinigay sa iyo ng Diyos; ibinigay Niya sa iyo ang lahat at ipinagkaloob sa iyo ang Kanyang buhay, kaya’t ano pa ang gusto mo? Ang mga salitang ito na binibigkas ng Diyos at ang lahat ng Kanyang ginagawa ay sagana at sapat para sa sangkatauhan. Walang anumang maaaring hingin ang mga tao sa Diyos, at hindi sila dapat magreklamo tungkol sa Kanya at magsabing, “Ano ang magagawa ko sa kakayahang ito o sa mga karampot na regalong ito na ibinigay sa akin ng Diyos?” Masyado kang maraming magagawa. Ang gusto ng Diyos ay hindi kung ano ang naiisip mo—gusto Niyang isagawa mo ang katotohanan, gawin ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at gampanan ang mga tungkulin na dapat mong gampanan. Hindi mo ginagawa kung ano ang kaya mong gawin, subalit bulag-bulagan mong ginagawa kung ano ang hindi mo dapat gawin. Tinatawag itong pagpapabaya sa iyong gawain. Hindi ba’t masyadong mataas ang nilalayon mong abutin? (Oo.) Ano ang gustong gawin ng mga tao? Ang magkamit ng karangalan sa iba, para hangaan at labis na pahalagahan ang kanilang mga salita at pagkilos, at para makilala ng maraming tao. Hindi gusto ng Diyos na maging ganoong uri ka ng tao, kung kaya’t hindi Niya ibinigay sa iyo ang mga gayong uri ng bagay. Kung nagkaroon ka ng pagkakataong maging ganoong uri ng tao, mahihindian mo ba ito? Madali mo lang ba itong mapakakawalan? Mapanganib ang kahihinatnan nito. Inakala mo bang mabuti ang mga bagay na iyon? Bakit nagiging anticristo ang ilang tao? Hindi ba’t dahil ito sa naiisip nilang medyo may kasanayan sila, at kaya’t nagiging napakayabang nila? Bakit nila nagagawang tahakin ang landas na iyon? Ganoong uri lang talaga sila ng tao; tatahakin din nila ang landas na iyon pagdating ng panahon, at walang plano ang Diyos na bigkasin ang katotohanan sa kanila o iligtas sila. Kaya, talagang naiiba ang ibinibigay Niya sa iyo sa ibinibigay Niya sa ibang tao. Kung palagi mong ikinukumpara ang iyong sarili sa iba at palagi mong hinahangad kung ano ang mayroon sila, dalisay na pagkaarok ba ito? Hindi mo nauunawaan ang layunin ng Diyos! Samakatuwid, kapag nabatid mo nang mababa ang iyong kakayahan, na wala kang espirituwal na pang-unawa at may baluktot kang pagkaarok, na madalas ay mahina ka, o iniisip na masyado kang maraming problema at pagkukulang, dapat mo munang isipin kung bakit hindi ka binigyan ng Diyos ng isang partikular na kaloob. Dito makikita ang Kanyang kabutihang loob. Tingnan mong muli kung aling landas ang tinatahak ng karamihan sa mga taong may kaloob at talento, at kung ano ang saloobin ng Diyos sa kanila. Ano ang isang pangungusap na pinakagugustuhin mong sabihin sa sandaling naunawaan mo na ang bagay na ito? (Salamat sa Diyos para sa Kanyang proteksiyon.) Tama iyan, dapat kang magpasalamat sa Diyos at sabihing: “O Diyos, napakabuti Mo sa akin, hindi Mo ako binigyan ng mga kaloob o talento, at ginawa Mo akong tulad nang isang hangal o mangmang. Pagpapala ito sa akin! Hindi ako negatibo o malungkot. Ang kulang sa akin ngayon ay ang pagiging taos-puso at tapat sa Iyo. Hindi ko hinihingi na ako ay maging matalino at magaling magsalita, o magkaroon ng mga kaloob at talento. Gusto ko lang ipagkaloob ang pagiging taos-puso ko sa Iyo. Ang mga kaloob, talento, at kaalaman, maging ang katayuan at kasikatan sa mga tao ay hindi mabubuting bagay, at hindi ko gusto ang mga ito.” Hindi ba ito nagpapakita ng pagbabago? (Oo, nagpapakita ito ng pagbabago.) Kung gayon, masasaktan ka pa rin ba at luluha dahil madaming kulang sa iyo? Hindi mo na gagawin ito, at hindi mo mararamdamang ginawan ka ng pagkakamali. Kung hindi, kapag pinupungusan ka ng iba, iisipin mo na, “Isa akong mangmang, minamaliit ako ng lahat ng tao sa mundo, at sa sambahayan ng Diyos, hindi ako kailanman magkakaroon ng mas mataas o mahalagang posisyon.” Ang implikasyon ay, “Napakakaunti ng ibinigay sa akin ng Diyos, kaya’t bakit labis-labis ang ibinigay Niya sa iba?” Palagi kang nagrereklamo sa iyong puso at pakiramdam mo ay ginawan ka ng pagkakamali. Ang katunayan, isang malaking pagpapala ang dumating sa iyo, at hindi mo man lang ito alam. Kung nangyari ulit ang gayong bagay sa hinaharap, magbabago ba ang pananaw mo? (Oo, magbabago ito.) Ano ang magbabago sa mga tao kapag nag-iiba ang kanilang pananaw? (Hindi sila maglalayon nang napakataas at maghahangad ng gayong katatayog na bagay, at magagampanan nila ang kanilang tungkulin nang maayos na may pusong mapagpasalamat at may mga paang nakatapak sa lupa.) Makakaya nilang maging matatag, mamuhay nang tunay at makatotohanan, at maghangad ng iba’t ibang layunin. Sabihin mo sa Akin, mas mabuti bang gawin ka ng Diyos na hangal at mangmang, na may kakayahang isakatuparan nang maayos ang kanyang tungkulin sa matatag na paraan para maligtas ka, o bigyan ka Niya ng mataas na kakayahan, mataas na antas ng edukasyon, magandang itsura, at kahusayan sa pananalita, gayundin ang kakayahan sa pagtatrabaho at mga espesyal na kalakasan, para titingalain ka ng mga tao at magiging higante ka sa gitna ng mga unano saan ka man pumunta, at pagkatapos ay tatahakin mo ang landas ng isang anticristo? Ano ang pipiliin mo? (Mas mabuti na maging isang hangal at isang mangmang.) Masasabi mo na ito ngayon, subalit kung may tumawag talaga sa iyong isang hangal at isang mangmang, sasama ang loob mo. Dapat ganito ka mag-isip: “Bagaman mahina ang kakayahan ko at ignorante ako, mas mabuti pa rin ako kaysa sa masasamang tao at mga anticristo dahil may pagkakataon pa rin akong mailigtas.” Dapat matutuhan mong pagaanin ang iyong pakiramdam. (Naalala ko na may ibang tao na nananalig sa Diyos kasama ko. Lahat sila ay may mataas na kakayahan at napakatatalino, subalit dahil palagi silang nagtutunggali para sa kapangyarihan at pakinabang at ginugulo ang gawain ng iglesia, tinanggal sila at pinatalsik. Pakiramdam ko ay narating ko ang kinalalagyan ko ngayon dahil mahina ang aking kakayahan, mangmang ako, at nagawa kong umasal nang mabuti—dakilang proteksiyon din ito ng Diyos.) Bakit ka pinoprotektahan ng Diyos? Dahil ba mangmang ka? Nakikisimpatiya ba Siya sa mahina? Hindi, hindi Siya nakikisimpatya; hindi ito tulad ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, na ang batang umiiyak ang nakakukuha ng kendi. Hindi iyon ang kaso. Ano ang tumpak na paraan ng pagtingin dito? Aling paraan ng pagtingin dito ang naaayon sa katotohanan? (Dahil ito sa naniniwala ang mga tao nang medyo taos-puso at may kaunting pagmamahal sa katotohanan sa kanilang puso, at handa silang hangarin ang katotohanan—inililigtas ng Diyos ang mga taong may ganitong puso, at dahil dito ay isinasaayos Niya ang iba’t ibang kapaligiran para protektahan sila.) Tama iyon. Ang proteksiyon ng Diyos para sa iyo ay kapalit ng iyong pagiging taos-puso sa Kanya. Kaya, ano ang pinakamahalaga? Pinakamahalaga ang pagiging taos-puso sa Diyos. May kaunti kang pagmamahal sa mga positibong bagay at pagiging taos-puso sa Diyos, at ipinagpapalit mo ang mga ito para sa proteksiyon at biyaya ng Diyos—malaki ang naging pakinabang mo. Maaaring sabihin ng isang tao na, “Mahina ang aking kakayahan, at bagaman marami akong nakamit, hindi ko pa rin nauunawaan ang kahit ano.” Hindi ka ba masyadong nakauunawa? Ang abilidad mong gampanan ang iyong tungkulin at sundan ang Diyos ngayon ay nauugnay sa pag-unawa mo sa katotohanan. Maaaring sabihin naman ng iba na, “Ano ang nauunawaan ko? Hindi ko maipaliwanag ito nang maayos.” Maaaring hindi mo ito maipaliwanag nang maayos, subalit nagagawa mong magsikap na gampanan ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at marami kang nauunawaan. Gaano man kalalim o kababaw ang pang-unawa mo sa mga bagay na ito, tiyak na nauugnay ang mga ito sa katotohanan at malapit ang mga ito rito, at ito ang dahilan kung bakit sinusuportahan ka hanggang sa ngayon at patuloy na nagagampanan ang iyong tungkulin. Hindi ba’t ito ang kaso? (Oo, ito nga.) Ang pag-iisip na ikaw ay isang hangal o isang mangmang ay hindi isang masamang bagay, at kung iisipin mo ito ngayon, ang “hangal” at “mangmang” ay mga palayaw na walang kahit anong pang-aalipusta o pangmamaliit. Kapag ikukumpara ang tawaging hangal at mangmang sa tawaging anticristo, alin ang mas mabuti? (Mas mabuting tawaging hangal at mangmang.) Kung, isang araw, ay sinabi ng Diyos na, “Halika rito, hangal. Halika rito, mangmang,” maaaring hindi ka masisiyahan, subalit pagninilayan mo ito, iisipin na, “Dahil tinawag Niya akong hangal at hindi anticristo, pupunta ako roon.” At masaya kang aalis. Pagkatapos ay sinasabi ng isang tao na, “Bakit napakasaya mo na tinatawag kang hangal?” At sinasabi mong, “Tinawag Niya akong hangal at hindi sinabing ako ay isang anticristo, o na hindi ako maililigtas. Iyan ang dahilan kung bakit ako masaya.” Ang pagtawag sa iyo na hangal ay hindi pagturing sa iyo na isang tagalabas, kundi bilang isang kapamilya, isang taong pamilyar. Tulad ito sa pagtawag ng mga tao sa kanilang anak na “maliliit na halimaw”; maaaring parang marahas itong pakinggan, subalit ito talaga ang katotohanan, at paglalambing lang ito. Ano naman kung tinawag kang isang anticristo? Kung gayon ay may problema ka, dahil ang pagpapalit ng isang pangalan ay nangangahulugan na iba ang kalikasan nito, at mag-iiba rin ang iyong kahihinatnan. Ano ang pipiliin ninyo? (Pipiliin kong tawaging isang hangal at isang mangmang.) Hindi mabuti na palagi na lang na maging isang hangal at isang mangmang; kailangan ding humusay nang kaunti ang iyong kakayahan. Humusay ba ang inyong kakayahan sa paglipas ng panahon? (Humusay nang kaunti subalit hindi masyado.) Sa larangan ng buhay pagpasok, kung talagang magtatrabaho ka nang maigi at patuloy na magsisikap, tiyak na huhusay ka, subalit imposibleng makita ang malalaking pagbabago nang biglaan. Isa itong mabagal na proseso ng paglago, subalit hangga’t may pagpasok, hindi ka uurong, at hangga’t naghahangad ka, ang buhay pagpasok mo ay unti-unting lalago, unti-unti.
Hindi madali para sa Diyos ang isagawa ang katotohanan sa mga tao. Hindi ito nangyayari nang kasingbilis ng pagtubo ng mga binhing itinanim sa lupa—ibang-iba ito. Ang pagliligtas ng Diyos sa tao ay sa pamamagitan ng ganap na paglilinis at pagbabago ng kanyang satanikong disposisyon at sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa tao na isabuhay ang katotohanang realidad sa Kanyang mga salita, subalit hindi simple ang mga bagay-bagay na ito. Kahit makinig ka pa sa mga sermon, magbasa ng mga salita ng Diyos, magdasal, at dumanas sa bawat araw, magiging limitado ang iyong pag-unlad, at magiging mabagal ang iyong buhay paglago. Maraming proseso ang kinakailangan para maunawaan ng isang tao ang katotohanan. Kinakailangan ng mga tao ng maraming pauli-ulit na karanasan, at kailangan din nilang patuloy na magpunyagi at magsikap para subukang maarok ang katotohanan—saka lang nila mauunawaan ito. Mahalaga rin ang gawain ng Banal na Espiritu dahil kung hindi, magiging mas limitado pa ang makakamit ng mga tao. Maraming tao ang nanalig sa Diyos nang may dalawampu o tatlumpung taon subalit hindi pa rin sila nakapagsasabi ng kanilang patotoong batay sa karanasan. Dahil ito sa hindi talaga nila hinangad ang katotohanan o itinuon ang kanilang pagsisikap sa pag-arok sa katotohanan, na nauuwi sa wala kahit pagkatapos ng ilang dekada ng pananalig sa Diyos. Kailangang maunawaan, maranasan, at maarok ng mga tao ang katotohanan, at lalong kailangan nila ang Diyos na isaayos ang mga kapaligiran para sa kanila. Ang kombinasyon ng iba’t ibang aspektong ito ang dahilan kung bakit may kaunting pang-unawa at pagpasok ang mga tao. Oras na mabuo ito sa iyong kalooban, bibigyan ka nito ng ibang kaalaman, mga damdamin, at mga kaisipan, na magpapahintulot sa iyong kamalayan at mga kaisipan na lumago at magbago nang kaunti, na magpapatatag naman nang kaunti sa iyong pananalig sa Diyos at babago nang kaunti sa iyong saloobin sa katotohanan at sa sarili mong landas ng buhay. Kakaunti, maliliit na pagbabago ang lahat ng mga ito, subalit ang maliliit na pagbabagong ito ang magdudulot ng napakalaking pagbabago sa iyong paningin sa buhay, sa iyong mga pag-iisip at pananaw, at sa iyong saloobin sa mga bagay-bagay at sa Diyos. Ito ang kapangyarihan ng salita ng Diyos—ang katotohanan.
Sipi 89
Sa panahon ng pagliligtas ng Diyos sa tao, anong batayang linya ang ibinibigay Niya sa mga tao, gaano man sila kasuwail, o gaano man katiwali ang kanilang mga disposisyon? Ibig sabihin, sa anong mga kalagayan iniiwan at itinitiwalag ng Diyos ang mga tao? Ano ang pinakamababang pamantayan na kailangan mong maabot upang ikaw ay panatilihin at hindi itiwalag ng Diyos? Ito ay isang bagay na kailangang malinaw sa lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos. Una, ang hindi itanggi ang Diyos—ito ang pinakapangunahing kondisyon. Mayroong praktikal na nilalaman ang kahulugan ng hindi itanggi ang Diyos. Ito ay hindi lamang pagkilala na mayroong Matandang Lalaki sa Langit, o na ang Diyos ay naging laman, o na ang pangalan ng Diyos ay Makapangyarihang Diyos. Hindi ito sapat, hindi nito naaabot ang pamantayan sa pananalig sa Diyos. Kahit papaano man lang, kailangang kilalanin mo na ang Diyos na nagkatawang-tao ay ang praktikal na Diyos; kailangan ay hindi ka magduda o manghusga; kailangan ay kaya mong magpasakop kahit na mayroon kang mga haka-haka—ito ang pamantayan sa pananalig sa Diyos. Sa pamamagitan lamang ng pag-abot sa pamantayang ito mangyayari na kikilalanin ka ng Diyos bilang isang taong nananalig sa Kanya. Hindi bababa sa tatlo ang batayang linya ng Diyos para sa mga tao. Una, kailangan nilang kumilala sa Kanya, manalig sa Kanya, at sumunod sa Kanya. Kailangan nilang maging tapat na mga mananampalataya sa Diyos, kailangan nilang gawin ang kanilang mga tungkulin sa abot ng kanilang makakaya, at kailangang hindi sila gumawa ng masama o magdulot ng kaguluhan. Ito ang unang batayang linya. Pangalawa, sa pagsunod sa Diyos, kahit papaano man lang ay kailangang hindi nila talikuran ang kanilang mga tungkulin. Kailangan nilang sumunod at magpasakop habang gumaganap ng kanilang mga tungkulin, magkamit ng mga pangkaraniwang resulta sa mga ito, at magtrabaho na abot sa isang katanggap-tanggap na pamantayan. Ito ang pangalawang batayang linya. Pangatlo, dapat umabot sa pamantayan ang kanilang pagkatao. Kailangan ay maituturing silang mabubuting tao, o kahit papaano man lang ay mga taong may konsiyensiya at katwiran. Dapat ay kaya nilang makisama man lang sa karamihan ng mga taong hinirang ng Diyos, at hindi maging isang bulok na mansanas. Ang mga ganitong tao ay maituturing, kahit papaano, na hindi masasamang tao. Ito ang pangatlong batayang linya. Kung hindi kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan, at tumatanggi siyang gampanan ang isang tungkulin anuman ang mangyari, siya ay hindi tunay na mananampalataya sa Diyos—kahit papaano man lang, ang kanyang pagkatao ay hindi umaabot sa pamantayan. Ang ibig sabihin nito ay na lumubog siya sa ilalim ng batayang linya at kailangan siyang itiwalag. Ang lahat ng mayroong masamang pagkatao, na hindi kayang tumanggap ng kahit katiting na katotohanan, na nagdudulot ng mga pagkakagulo at pagkagambala, at na hindi gumaganap ng positibong papel sa iglesia, ay maituturing na masasamang tao. Ang isang tao na hindi kayang makisama sa karamihan ng ibang tao ay isang bulok na mansanas, isang masamang tao, at higit pa rito, siya ay isang taong mas bumaba pa sa batayang linya at dapat nang itiwalag. Ang masasamang tao at mga anticristong iyon ay maaaring gumanap ng mga tungkulin, ngunit nagdudulot lamang sila ng mga pagkagambala, pagkakagulo, pagkawasak, at paggawa ng masama—nais kaya ng Diyos ang mga taong ganito? Ginagampanan ba nila ang kanilang mga tungkulin? (Hindi.) Sa mga mata ng Diyos, ang kanilang mga aksyon ay lumampas na sa batayang linya. Hindi nila kayang gampanan ang kanilang mga tungkulin, at ang pinsalang idinudulot nila ay higit pa sa anumang mga tungkulin na kanilang ginagampanan, kaya’t kailangan silang alisin sa iglesia. Hindi ba’t ito ang prinsipyo kung paano pinakikitunguhan ang mga tao sa sambahayan ng Diyos? Mayroon na bang sinuman na pinaalis dahil siya ay panandaliang nasa masamang kalagayan, at naramdaman niya na siya ay negatibo at mahina? Mayroon na bang sinuman na pinatigil sa pagganap ng kanyang tungkulin dahil paminsan-minsan ay naging pabasta-basta siya at hindi niya ito nagampanan nang maayos? Mayroon na bang sinuman na pinaalis dahil hindi mabuti ang mga resultang nakamtan niya sa kanyang tungkulin, o dahil naghayag siya ng ilang masasamang kaisipan o ideya? Mayroon na bang sinuman na pinaalis dahil mababa ang kanyang tayog, at nagkaroon siya ng mga haka-haka at pagdududa tungkol sa Diyos? (Wala.) Kung gayon, ano ang prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pagpapaalis ng mga tao? Sinong mga tao ang pinapaalis at pinahihinto sa pagganap ng kanilang mga tungkulin? (Yaong ang nagtatrabaho ay higit na nagdudulot ng kasamaan kaysa kabutihan, at na patuloy na nagdudulot ng mga pagkagambala at pagkakagulo.) Ang ganitong tao ay hindi karapat-dapat gumanap ng tungkulin. Hindi ibig sabihin nito na mayroong kumikiling laban sa kanila o naghihigpit at nagpapaalis sa kanila dahil sa personal na sama ng loob; ibig sabihin nito ay hindi sila nagkakamit ng anumang resulta sa kanilang tungkulin, at nagdudulot sila ng mga pagkagambala at pagkakagulo. Sila ay pinapaalis dahil sila ay tunay na hindi karapat-dapat gumanap ng tungkulin. Ito ay ganap na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Makatarungan ang lahat ng prinsipyo kung paano pinakikitunguhan at tinatrato ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Hindi sinusubukan ng sambahayan ng Diyos na manghuli ng mga taong nagkakamali, magpalaki ng mga isyu, o manligalig kahit wala namang dahilan. Kailangan ninyong maniwala na ang sambahayan ng Diyos ay pinamumunuan ng katotohanan. Siyempre, ang ilang tao na pinaalis na ay maaaring may pag-asa pa ring mailigtas kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan at taimtim na magsisi sa Diyos. Ngunit ang mga hindi mananampalataya at ang masasamang tao na hindi kayang tumanggap ng ni kaunting katotohanan, na walang konsiyensiya at katwiran, ay magpakailanmang ititiwalag matapos silang mabunyag. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos.
Sipi 90
Bakit hinihingi ng Diyos na makilala Siya ng mga tao? Bakit hinihingi Niya sa mga tao na makilala ang kanilang sarili? Ano ang layunin ng pagkilala sa sarili? Ano ang ninanais na resulta? At ano ang layunin ng pagkilala sa Diyos? Anong epekto ang maidudulot sa mga tao kapag nakilala nila ang Diyos? Ito ba ay mga tanong na inyong naisaalang-alang? Gumagamit ang Diyos ng iba’t ibang paraan para makilala ng mga tao ang kanilang sarili. Inihanda na Niya ang lahat ng uri ng kapaligiran upang ibunyag ng mga tao ang kanilang katiwalian, at patuloy nilang makilala ang kanilang sarili sa pamamagitan ng karanasan. Paglalantad man ito ng mga salita ng Diyos o Kanyang paghatol at pagpaparusa, nauunawaan ba ninyo kung ano ang pangwakas na layunin ng Diyos sa pagsasagawa ng gawaing ito? Ang pangwakas na layunin ng Diyos sa pagsasagawa ng Kanyang gawain sa ganitong paraan ay upang mabigyang-daan ang bawat taong makakaranas ng Kanyang gawain na malaman kung ano ang tao. At ano ang kalakip nito, itong “pag-alam kung ano ang tao”? Kalakip nito ang pagbibigay-daan sa tao na malaman ang kanyang identidad at kanyang katayuan, ang kanyang tungkulin at kanyang responsabilidad. Nangangahulugan itong pagbibigay-daan sa iyong malaman kung ano ang ibig sabihin ng pagiging tao, pagbibigay-daan sa iyong maunawaan kung sino ka. Ito ang pangwakas na hangarin ng Diyos sa pagkilala ng mga tao sa kanilang sarili. Kung gayon, bakit nais ng Diyos na makilala Siya ng mga tao? Ito ang espesyal na biyayang ipinagkakaloob Niya sa sangkatauhan, dahil sa pagkilala sa Diyos, mauunawaan ng tao ang maraming katotohanan at malalaman ang maraming misteryo. Maraming nakukuha ang mga tao sa pagkakilala sa Diyos. Kapag kilala ng mga tao ang Diyos, natututunan nilang mamuhay sa pinakamakabuluhang paraan, kaya ang mahikayat ang mga taong makilala ang Diyos ay ang pinakadakilang pag-ibig ng Diyos, ang Kanyang pinakadakilang biyaya. At maraming paraan ang ginagamit ng Diyos para makilala Siya ng mga tao, ang pinakapangunahin ay ang paghatol at pagkastigo, paggabay, at pagkakaloob ng Kanyang mga salita. Siyempre, ipinapaalam Niya rin sa mga tao ang Kanyang disposisyon sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo—isa itong mas madaling paraan sa pagkilala sa Diyos. Ano ang pangwakas na resultang matatamo ng mga taong makakakita at makakaalam sa disposisyon ng Diyos? Ito ay ang pagbibigay-alam sa mga tao kung sino ang Diyos, ano ang Kanyang diwa, ano ang Kanyang pagkakakilanlan at katayuan, ano ang tinataglay Niya at ang Kanyang pagiging Diyos, at ano ang Kanyang disposisyon. Ito ay ang malinaw na pagpapakita sa bawat tao na nilikha sila, na tanging ang Diyos lang ang Lumikha, at kung paanong dapat magpasakop sa Lumikha ang mga nilikha. Kapag nalaman ng tao ang lahat ng ito, lubusang magliliwanag ang daang tatahakin niya sa buhay. Kapag tunay na kilala ng mga tao ang kanilang sarili, hindi ba’t unti-unti nilang mapapakawalan ang mga labis-labis nilang ninanais at iba’t ibang maling intensyon? (Oo.) Kung gayon, magagawa ba nilang umabot sa puntong tuluyan na nila itong mapapakawalan? Depende ito sa indibidwal. Mapapakawalan lang ng isang tao ang mga labis-labis nitong ninanais at iba’t ibang hinihingi sa Diyos kapag, sa pamamagitan ng Kanyang gawain, ay makilala nito ang Diyos at magkaroon ito ng tumpak na kaalaman at kahulugan ng Kanyang diwa, pagkakakilanlan, at katayuan. Tulad ni Pedro, tanging ang ganitong klase lang ng tao ang makakapagpahayag ng kanyang taos-pusong kahilingan at pagnanais na mahalin ang Diyos mula sa kaibuturan ng kanyang puso, at isagawa ang pag-ibig sa Diyos. Kung gayon, ang pagkilala sa Diyos at pagkilala sa sarili—parehong hindi puwedeng alisin ang mga ito. Sinasabi mong gusto mong ibigin ang Diyos, pero malalaman mo ba kung paano Siya iibigin kung hindi mo naman Siya nauunawaan? Anong mga bahagi Niya ang kaibig-ibig? Ano ang mga pinakakaibig-ibig Niyang aspeto? Kung hindi mo ito alam, hindi mo Siya magagawang ibigin. Hindi ka magkakaroon ng kakayahang ibigin Siya, kahit gusto mo man, at maaaring may makita ka pa ngang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya at pagrerebelde na kusang umuusbong sa loob mo, at humahantong sa pagiging negatibo. Makukuha ba ng ganitong klase ng tao ang pagsang-ayon ng Diyos? Hindi. Kapag hindi kilala ng isang tao ang Diyos ngunit sinasabi pa rin niyang iniibig niya ang Diyos, ang tinatawag na “pag-ibig” na ito ay pawang walang katuturang teorya lamang na dulot ng lohika at katwiran ng tao. Hindi ito nagmumula sa pagkakakilala sa Diyos, at talagang hindi ito umaayon sa Diyos. Nakikita na ba ninyo ngayon ang Aking sinasabi tungkol sa dalawang bagay na ito? (Oo.) Kung ganoon, bakit hindi ninyo ito masabi ngayon lang? Pinapatunayan nito na magulo ang pagkakakilala ninyo sa inyong sarili sa praktikal na karanasan, at wala kayong tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Alam ba ninyo kung ano ang isyu rito? (Hindi pa namin nahahanap ang tamang daan ng pagsasagawa. Hindi namin magawang pumasok nang sabay mula sa dalawang aspeto ng pagkilala sa Diyos at pagkilala sa aming sarili. Nakatuon lang kami sa pagpasok mula sa isang aspeto, kaya nalilimitahan ang paglago namin sa buhay.) Dahil nasa ganitong katayuan kayo ngayon, kumusta ang tayog ninyo? Hindi ba’t wala pa ito sa gulang? Hindi ba’t napakalayo ninyo sa hinihingi at pamantayan ng Diyos hinggil sa pagkilala sa inyong sarili? Kahit man lang ang pagbitaw sa inyong mga personal na kagustuhan at hangarin ay hindi pa rin ninyo magawa. Maaari bang umayon sa katotohanan ang inyong pagpapasakop sa Diyos? Kaya ba ninyong malaman kung may anumang katayuan sa puso ninyo ang Diyos? Marami pa ring tao ngayon ang kumukuwestiyon kung tao ba o Diyos ang pagkakatawang-tao ng Diyos; pareho nila itong pinapanigan, naniniwala sila ngayon sa Diyos sa lupa at sa susunod ay maniniwala sa isang malabong Diyos sa kalangitan. At may ilan pa ngang kumukuwestiyon sa diwa ng Diyos, na nagsasabing, “Paanong iisang Diyos lang ang nagkatawang-taong Diyos at ang Diyos sa kalangitan? Kung Siya nga ay Diyos, bakit hindi Siya magpakita ng mga himala at tanda?” Ipinapakita nitong matindi ang inyong kakulangan sa espirituwal na pag-unawa. Ganyan ang inyong tayog na kahit marami nang sinasabi ang Diyos, hindi pa rin ninyo ito nauunawaan. Kinikilala lang ninyo ngayon na nagkatawang-tao ang Diyos, kinikilala lang ninyo ang katotohanang ipinahayag ng Diyos na nagkatawang-tao; ngunit wala kayong anumang kaalaman patungkol sa diwa, pagkakakilanlan, at katayuan ng Diyos. Masasabi ninyong sa inyong puso ay wala kayong ganitong kaalaman, hindi ba? (Oo.) At totoong mapapatunayan ito: Bago Ako nagbahagi tungkol sa mga aspeto ng katotohanan gaya ng diwa ng Diyos o mga layunin ng Diyos, akala mo ay malalim ang kaalaman mo tungkol sa Diyos, at akala mo ay matatag at hindi natitinag ang paniniwala mo sa Diyos. Ngunit noong nagbahagi Ako sa inyo tungkol sa mga katotohanan gaya ng Diyos Mismo, disposisyon ng Diyos, at diwa ng Diyos, may napukaw na masidhing reaksyon sa inyong puso ang mga salita at nilalamang ito. Matindi ang reaksyong ito, at nahirapan kayong tanggapin ito, kaya naging labis na salungat ito sa Diyos na naguni-guni ninyo sa inyong puso. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Kaya kapag nagsasabi Ako ng ilang bagay na hindi pa ninyo narinig noon, imposible para sa inyo na tanggapin ito sa umpisa, na para bang hindi ninyo maunawaan ang sinasabi Ko. Nagpapatunay ito na masyadong mababa ang inyong tayog, napakaliit na hindi man lang ninyo maunawaan ang mga salita ng Diyos o matupad ang mga ito. Kakailanganin pa ninyo ng ilang taon ng karanasan bago kayo makaunawa.
Sipi 91
Ang pagtingin ng Diyos kay Job ay nakatala sa Lumang Tipan: “Sapagkat walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki, na natatakot sa Diyos, at umiiwas sa kasamaan?” (Job 1:8). Sa mga huling araw, ang Diyos ay hindi lamang nagpatotoo sa katotohanan na tunay Siyang minahal ni Pedro, kundi gayundin sa katotohanan na si Job ay isang tao na may tunay na pananampalataya sa Kanya, at hinihingi ng Diyos na ang Kanyang hinirang na mga tao ay dapat nagtataglay man lang ng pananampalataya ni Job kung sila ay susunod sa Kanya hanggang sa wakas. Sa inyong mga imahinasyon, at sa saklaw ng mga limitadong teksto na inyong nauunawaan, anong uri ng tao si Job? Siya ba ay isang mabuting tao? (Oo.) Sa anong mga paraan ito pangunahing naipamalas? Una, siya ay isang tao na may takot sa Diyos, at hindi siya kailanman gumawa ng masama. Ito ang pangunahing pagpapamalas at tanda ng isang mabuting tao. Gayundin, ang kanyang asal ay alinsunod sa prinsipyo at ang pagtrato niya sa kanyang mga anak at pamilya ay alinsunod sa prinsipyo. Hindi niya sinubukang pagtakpan ang mga kamalian ng kanyang mga anak, at siya ay nanalangin sa Diyos at ipinagkatiwala sa Diyos ang kanyang mga anak, na nagpakita sa mga tao na ang kanyang pag-uugali ukol sa kanyang mga anak ay ganap na wasto at alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Ano sa inyong palagay, bilang mga anak, ang pakiramdam ng magkaroon ng gayong ama? Hindi ba’t ito ay magpapaligaya sa inyo? Ngunit anong uri ang mga kaibigan ni Job? Nang si Job ay maharap sa mga pagsubok at kapighatian, paano siya pinakitunguhan ng kanyang mga kaibigan? Walang isa man sa kanila ang makaunawa sa kanya, at higit pa riyan, siya ay hinusgahan nila: “Nagkasala ka sa Diyos, at isinumpa ka Niya. Tingnan mo kung saan ka dinala ng pananampalataya mo sa Diyos. Kahabag-habag!” Maging ang asawa ni Job ay nagsabi, “Pinananatili mo pa rin ba ang iyong integridad? Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka” (Job 2:9). Sa panahong ito ng labis na pagdurusa, ganyan pinakitunguhan si Job ng kanyang mga kaibigan at ng kanyang asawa, na nagdulot sa kanya ng matinding pinsala at pasakit. Ngunit iilan-ilang tao lamang ang nakaunawa kay Job—ito ay totoo. Kapag binabasa natin ngayon ang kuwento ni Job, nararamdaman natin na, ang totoo, ang mga taong gaya ni Job ang siyang pinakamaaasahan at pinakamapagkakatiwalaan, at na ang ganitong uri ng tao ay isang tunay na mabuting tao. Hindi ka niya kailanman lilinlangin o sasaktan, at palagi siyang susunod sa mga prinsipyo sa paraan niya ng pakikitungo sa iyo. Kung ikaw ay isang tao na nasa katwiran, hindi ka niya kokondenahin at hindi siya magsasalita ng mga hindi kanais-nais na bagay tungkol sa iyo dahil lamang may ginawa kang isang bagay na hindi maganda o dahil masama ang sinasabi ng ibang tao tungkol sa iyo. Hindi siya sasalungat sa mga katotohanan at magsasalita sa buktot na paraan upang pagbintangan ang mga tao. Hindi niya hahayaan na gabayan ng mga damdamin o mga kagustuhan ang kanyang pananalita. Kalaunan ay makikita mo: “Ito nga ang isang mabuting tao. Sa tuwing nahaharap tayo sa kaunting paghihirap, isinasantabi lang natin ang ating mga tungkulin, ngunit hindi niya kailanman tinatalikuran ang pangalan ng Diyos, kahit gaano pa kalaki ang mga pagsubok at mga kapighatian na kanyang hinaharap. Hindi kataka-taka na gusto ng Diyos ang ganitong uri ng tao. Kung mayroon akong kasamang isang tao na gaya nito, kahit ano pang karamdaman o mga kapighatian ang mangyari sa akin, patuloy niya akong matutulungan, maaalalayan, maaalagaan, at mapagtitiisan tulad nang dati. Ang ganitong uri ng tao ay kahanga-hanga. Kahit pa kung minsan ay maiinis niya ako o kahit pa hindi kami palaging magkakasundo, mas pipiliin ko na siya ang nasa aking tabi kaysa sa isa sa mga Satanas at mga diyablo na iyon!” Karaniwan, hayagang sasabihin ng mga Satanas at mga diyablo, “Ikaw ay mahalaga. Mahal kita at nagmamalasakit ako sa iyo nang labis,” ngunit sa oras na ikaw ay maharap sa isang kaguluhan, babalewalain ka nila, at doon mo mapapagtanto kung ano ang isang mabuting tao, at ano ang isang maaasahang tao. Yaon lamang mga mapagkakatiwalaan, at may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, ang tunay na mabubuting tao, at ang mabubuting tao ay napakahalaga. Napakaganda sana kung mayroon kang isang dosenang tao na gaya ni Job na nasa iyong tabi—ngunit ngayon ay wala ka kahit isa! Sa oras na ito, mararamdaman mo kung gaano talaga kabihira ang isang mabuting tao. Kailangan ng bawat isa ang isang mabuting tao na gaya nito. Gusto ng lahat ang matutuwid at matutulunging tao, ang mga tao na may mabubuting puso na kumikilos alinsunod sa prinsipyo, na mayroong pagpapahalaga sa katarungan, na may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, at na nararapat na pagkatiwalaan.
Kapag ikaw ay binabagabag ng mga kapighatian at karamdaman, kapag ang puso mo ay pinakanagdurusa, anong uri ng tao ang kailangan mo sa tabi mo? Kailangan mo ba ng isang nagsasalita ng kasinungalingan at matatamis na salita? Kailangan mo ba ng isang humuhusga, kumokondena, at pumupuna sa iyo? (Hindi.) Anong uri ng tao ang kailangan mo nang higit sa lahat kung gayon? Kailangan mo ng isang tao na makakaramay sa iyong mga paghihirap at na makapagpapalubag ng iyong kalooban, na kayang makinig habang ikinukuwento mo ang tungkol sa sakit na nasa iyong puso at pagkatapos ay tutulungan ka na umahon mula sa iyong pagiging negatibo, kahinaan, at pagdurusa. Ang taong ito ay makatutulong sa iyo—hindi ka niya tatawanan o sisipain kapag ikaw ay nakalugmok na at hindi siya magbubulag-bulagan sa iyong mga paghihirap. Ibig sabihin, kung kailangan mo siya upang aliwin ka, at ikaw ay dumaranas ng mga paghihirap, mga oras ng kahinaan, at mga pansariling problema, maaari mong ibahagi ang mga bagay na ito sa kanya, at hindi niya ipagkakalat ang mga ito nang patalikod, hindi ka niya lalaitin, hahamakin, at hindi niya guguluhin ang mga pribadong bagay tungkol sa iyo. Makakaya niyang harapin nang tama ang iyong mga paghihirap, kahinaan, pagiging negatibo, at ang mahihinang bahagi ng iyong pagkatao. Hindi ba naaayon sa prinsipyo na harapin nang tama ang mga bagay na ito? Hindi ba’t ang mga ito ay pagpapamalas ng isang mabuting tao? Ang ganitong uri ng tao ay kaya kang maunawaan, pagtiisan, at alagaan. Kaya ka niyang suportahan, tustusan, at tulungang makaahon mula sa iyong pasakit at kahinaan. Napakalaki ng tulong na naibibigay niya sa iyo. Ang taong gaya nito ay labis na mahalaga. Ito ang isang mabuting tao! Sabihin nang may isang tao na binabalewala ka at nilalait at pinagtatawanan ka pa nga kapag nakikita niya na ikaw ay may problema. Gusto mong magtapat sa kanya tungkol sa isang bagay, ngunit naisip mo, “Hindi ko pwedeng sabihin sa kanya. Kung gagawin ko iyon, baka may mga hindi magandang maging resulta. Baka ipagkalat niya sa iba ang mga pribadong bagay tungkol sa akin nang hindi ko nalalaman. Kapag nangyari iyon ay pagtatawanan ako ng lahat, at sino ang nakaaalam kung anong mga kuwento ang gagawin niya upang siraan ako.” Mangangahas ka bang makipag-usap sa isang taong tulad niyan? Hindi mo malalaman kung ano mismo ang makakaya niyang gawin. Hindi lamang na maaaring hindi ka niya tulungan o suportahan, kundi maaari pa niyang guluhin ang mga pribadong bagay tungkol sa iyo, at linlangin at ipahamak ka. Mangangahas ka bang magtapat sa kanya? Sa oras na ito, mapagtatanto mo kung gaano kaimportante, kahalaga at katangi-tangi ang mabubuting tao, at na mas may halaga ang pagiging isang mabuting tao kaysa pagiging iba pang uri ng tao. Maaari pa ngang kahit ang iyong mga magulang ay hindi tunay na maunawaan ang iyong mga paghihirap at pangangailangan kapag ikaw ay nagdurusa at nasasaktan, at hindi nila magagawang mapaglubag ang iyong kalooban. May ilang anak na nagsisikap nang husto at na tumatanggap ng mga trabaho sa labas ng tahanan—sa partikular, kinakailangan ng ilang kababaihan na makuha ang pabor ng kanilang mga amo o ibenta pa nga ang kanilang katawan para lamang kumita nang kaunti—at hindi man lamang nagtatanong ang kanilang mga magulang kung gaano kahirap para sa kanilang mga anak ang magtrabaho sa labas ng kanilang tahanan o kung gaano kahirap para sa kanila ang kumita ng pera. Nagrereklamo pa nga sila kung ang kanilang mga anak ay hindi nag-uuwi ng maraming pera, at inihahambing pa nila ang mga ito sa iba. Ano ang nararamdaman ng kanilang mga anak dahil dito? (Malungkot, nalulumbay.) Nawawalan sila ng pag-asa. Nadarama nila na ang mundo ay isang madilim na lugar, at na maging ang sarili nilang mga magulang ay gayon din, at iniisip nila kung paano sila magpapatuloy na mabuhay. Kaya dapat kang maging isang mabuting tao. Kailangan ng bawat isa ang isang mabuting tao. At paano dumarating ang mabubuting tao? Sila ba ay basta na lamang bumabagsak mula sa langit? Sila ba ay sumisibol mula sa lupa? Mayroon bang isang hayop na kung saan sila ay nagmumula? Sila ba ay mga produkto ng edukasyon ng mga kilalang eskuwelahan? O mga produkto ng paglinang ng asetikong relihiyon? Hindi, wala ni isa man sa mga paliwanag na ito ang tama, ang lahat ng ito ay hindi maaaring mangyari kailanman. Maaari lamang maging isang mabuting tao ang isang tao sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos, pagsasagawa ng katotohanan, at pagtanggap sa pagliligtas ng Diyos. Ang mabubuting tao ay hindi sumisibol sa pamamagitan ng biglaang pagbabago ng mga tiwaling tao—ang mga tao ay dapat na manampalataya sa Diyos at tanggapin ang Kanyang pagliligtas, dapat nilang hangarin ang katotohanan, kamtin ang gawain ng Banal na Espiritu, at magawang perpekto upang sila ay maging mabubuting tao. Kailangan ng bawat isa ang isang mabuting tao sa kanyang tabi bilang isang kaibigan at mapagsasabihan ng lihim. Sabihin mo sa Akin, kailangan din ba sila ng Diyos? (Oo.) Kailangan ng Diyos ang mabubuting tao, at kailangan din ng mga tao ang mabubuting tao. Ano ang magiging epekto sa iyo kung mauunawaan mo ang bagay na ito? Dapat na taglayin mo ang determinasyong ito at ang pagnanais na ito na magsikap upang maging isang mabuting tao. Kung sinasabi mo, “Ang maging isang mabuting tao ay mahirap at nakakapagod, ngunit dapat na taglayin ko ang determinasyon na magsikap tungo sa pagiging isang mabuting tao. Kailangang-kailangan ng mga tao ang mabubuting tao, at kailangan ko rin ng mabubuting tao. Kaya ako mismo ay magiging isang mabuting tao muna, at tutulungan at susuportahan ko ang iba, at magsisikap ako na tulungan ang Diyos na makamit ang mas marami pang mabubuting tao,” kung gayon ito ay tama. Kung ang bawat isa ay magsisikap na maging isang mabuting tao, magkakaroon ng pag-asa para sa sangkatauhan. Maaaring sabihin mo, “Ang sangkatauhan ay labis na tiwali at masama. Walang silbi kung iilan lamang na mananampalataya ng Diyos ang mabubuting tao. Sila ay matatabunan pa rin dahil napakaraming masamang tao.” Kalokohan na ito ay sabihin. Nananampalataya ka sa Diyos upang magkamit ng kaligtasan. Kung ikaw ay magiging isang mabuti at matuwid na tao, ikaw ay pagpapalain ng Diyos. Kahit gaano pa kasama at katiwali ang mga tao, may mga paraan ang Diyos upang iwasto sila. Hindi kailangang mag-alala ang mga tao tungkol dito. Kailangan mo lang na ituon ang iyong pansin sa paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng pagliligtas ng Diyos. Ito ang naaayon sa Kanyang mga layunin. Walong katao lamang ang naligtas sa huli nang gawin ni Noe ang arka. Ang lahat ng hindi nanampalataya sa mga salita ng Diyos at hindi lumakad sa tamang landas ay nalipol sa huli sa pamamagitan ng baha na pinangyari ng Diyos. Ito ay isang kinikilalang katotohanan. Bakit ba hindi mo magawang kilalanin ang pagiging makapangyarihan ng Diyos? Bakit hindi mo magawang kilalanin na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos? Kapag tinapos na ng Diyos ang Kanyang gawain, kahit gaano karaming tao ang magkamit ng kaligtasan, ang kapanahunang ito ay dapat nang magwakas. Ang malalaking kalamidad ay dapat nang dumating, at aayusin ng Diyos ang lahat ng mga problemang ito. Hinahangad mo ang katotohanan at ikaw ay nagiging isang matuwid na tao para sa sarili mong kapakanan—may kapakinabangan ito sa iyo at may kapakinabangan din ito sa iba. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi nakakamtan ng mabubuti kung ano ang nararapat sa kanila,” ngunit ito ay mali. Yaong mga naghahangad sa katotohanan, sa huli, ay magkakaroon ng kanilang lugar sa kaharian ng langit, at kahit gaano pa umunlad ang masasama sa mundo, lahat sila ay lilipulin sa huli at itatapon sa impiyerno. Kaya, parehong makakamtan ng mabubuti at ng masasama kung ano ang nararapat sa kanila, hindi ba? Ano ang sinasabi sa Bibliya? “Ang Aking gantinpala ay nasa Akin, upang bigyan ng kagantihan ang bawat isa ayon sa kanyang gawa” (Pahayag 22:12).
Sa totoo lang, ang mga bagay na ginawa ni Job na nakatala sa Aklat ni Job ay napakaliit na espasyo lamang ang inookupa, ang mga ito ay napakasimple, at hindi ganoon karami ang mga ito. Ngunit dapat ay makahanap ka ng mga pahiwatig sa mga ginawa ni Job, at dapat mong makita ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa ni Job sa pagiging isang mabuting tao. Una sa lahat, ano ang prinsipyo ni Job tungkol sa pakikitungo niya sa kanyang mga anak at sa mga pinakamalapit sa kanya? Ito ay ang hindi magbatay sa kanyang pagmamahal, kundi ang umayon sa mga prinsipyo. Hindi siya magkakasala sa Diyos dahil sa mga bagay na nangyari. Ito ang unang pamantayan ng kanyang pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa masama—ito ay nagsimula sa kanyang pakikitungo sa mga miyembro ng sarili niyang pamilya. Pangalawa, naroon ang kanyang pagtrato sa kanyang mga ari-arian. Alam ni Job na, bagamat ang kanyang mga ari-arian ay pawang mga makamundong pag-aari, ang mga ito ay nagmula sa Diyos at ipinagkaloob ng Diyos sa kanya at sa pamamagitan nito ay pinagpala siya ng Diyos. Dapat na maingat at maayos na pamahalaan at pangasiwaan ng mga tao ang mga ito. Ang maayos na pangangasiwa sa mga ito ay hindi nangangahulugan na ang mga ito ay inaari o tinatamasa nang may kasakiman, at hindi ito nangangahulugan na mabuhay para sa mga bagay na ito; nangangahulugan ito na pinasasalamatan ang Diyos para sa mga ito, na nakikita ang pangangasiwa ng kamay ng Diyos at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa mga ito, at nakikilala ang Diyos sa pamamagitan ng mga bagay na ito. Kapag kilala ng mga tao ang Diyos, magagawa nilang magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at ito talaga ang pinakamahalagang pamantayan sa pagiging isang mabuting tao. Kung makakaya mong umayon sa mga prinsipyo sa iyong pakikitungo sa iba, ngunit hindi mo kayang magpasakop sa Diyos, ikaw ba talaga ay nagiging isang mabuting tao? Hindi, hindi ka nagiging isang mabuting tao. Gayundin, sa kanyang pagtrato sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, nagawa ni Job na magpasakop sa lahat ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Kasama sa mga pagsasaayos ng Diyos ang Kanyang pagkakait at ang Kanyang mga pagsubok. Kung minsan, ang Diyos ay nagkakait, kung minsan Siya ay nanunubok. Ano ang kasama sa Kanyang mga pagsubok? Kung minsan ay maaari Ka niyang bigyan ng karamdaman, o idulot Niya na mangyari sa iyong pamilya ang ilang hindi magagandang bagay, o maaaring idulot Niya na maharap ka sa ilang mga paghihirap, at pagpupungos, at na maituwid, madisiplina, mahatulan, at makastigo ka Niya sa panahon ng pagganap mo sa iyong tungkulin. Ang lahat ng ito ay mga pagsasaayos ng Diyos—at paano mo dapat na harapin ang mga ito? Kung hindi mo kayang magpasakop sa mga ito, at paulit-ulit mong nais na takasan ang mga ito, hindi mo nararanasan ang gawain ng Diyos. Dagdag pa rito, dapat na maging tapat ang mga tao sa pagharap nila sa kanilang mga tungkulin. Dapat nilang ipakita ang kanilang katapatan. Ano ang ibig sabihin ng katapatan dito? Ibig sabihin nito na iniaalay nila ang lahat ng makakaya nila at ang lahat ng pag-aari nila. Iyan ang katapatan! Ito ang pamantayan sa pagiging isang mabuting tao. Kung mayroong isa sa inyo ngayon na gaya ni Job—hindi kailangan ng mas marami, isa lang—magkakaroon kayo ng isang haligi mula sa inyo. Kapag mayroong mangyari sa inyo, siya ay magsisilbi bilang inyong huwaran sa lahat ng pagkakataon. Kailangan ninyo lamang gawin kung ano ang kanyang ginawa, at kalaunan ay magbabago kayo. Patuloy kayong bubuti, mula sa inyong mga kaisipan hanggang sa inyong mga gawa, mula sa paghahanap ng katotohanan hanggang sa pagsasagawa nito. Ang inyong kalagayan ay aangat nang todo, gumagalaw sa isang positibong direksyon, at hinahayaan kayong mag-umpisa sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Pagkatapos maranasan ang gawain ng Diyos sa loob ng ilang taon sa ganitong paraan, magagawa rin ninyong matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan gaya ni Job, at maging isang perpektong tao.
Sipi 92
Kayo ay nabubuhay sa pangwakas na kapanahunang ito. Karamihan sa inyo ay mas maginhawa ang buhay-pamilya kaysa dati, at may materyal na kasaganaan ang bawat aspeto ng inyong mga buhay. Ano ang nararamdaman ninyo? Iyon ay bahagyang kasiyahan ng laman lamang, ngunit ano ang pinagkaiba nito sa kagalakan ng puso? Kayong lahat ay may ilang karanasan at may ilan na kayong nauunawaan, and inyong paghahangad na manampalataya sa Diyos ay mas praktikal kaysa dati, nadarama ninyong lahat na ang paghahangad sa kaligayahan ng laman ay walang kuwenta, at kayong lahat ay handang pagsikapan ang katotohanan—may ganitong karanasan ba kayong lahat? Makapaghahatid ba sa mga tao ng espirituwal na kaginhawahan ang kasiyahan ng kanilang laman sa iba’t ibang uri ng materyal na bagay? Ano ba ang maidudulot sa mga tao ng pagkaramdam na nakaaangat sila sa iba at ng pamumuhay na sagana sa materyal na bagay? Mapasasama at maililigaw lang ng mga ito ang mga tao. Sa ganitong paraan, ang mga tao ay madaling mawawala sa katwiran, hindi nila malalaman kung alin ang mabuti at alin ang masama at mawawalan sila ng katwiran, at unti-unting mawawala ang kanilang pagkatao; sila ay mas lalong maghahangad ng ginhawa, at mas magiging ignorante sa kanilang lugar sa sansinukob. May ilan pa ngang tao na mawawalan ng kakayahang alagaan ang kanilang sarili. Ganap nilang hindi kakayaning mamuhay nang mag-isa, na magtrabaho, at aasa sa kanilang mga magulang. Sila rin ay mas magiging walang kasiyahan at walang hiya. Bilang pagbubuod, mapasasama lamang ng mas maginhawang kapaligiran at ng pamumuhay na sagana sa materyal na bagay ang mga tao, na magbubunsod sa kanila na mahalin ang kawalan ng ginagawa at kamuhian ang pagtatrabaho, na tutulak sa kanila na maging gahaman na walang kasiyahan at na mawalan ng kahihiyan. Walang anumang naidudulot na benepisyo sa mga tao ang mga ito. Pagdating sa laman, habang pinamimihasa mo ito, mas lalo itong nagiging ganid. Nararapat itong makaranas ng kaunting pagdurusa. Ang mga taong dumaranas ng kaunting pagdurusa ay tatahak sa tamang landas at gagawa ng nauukol sa gawain. Kung ang katawan ay hindi nagtitiis ng pagdurusa, kung naghahanap ito ng ginhawa, at lumalaki ito sa ginhawa, walang makakamit ang mga tao at imposible nilang makamtan ang katotohanan. Kapag naharap ang mga tao sa mga kalamidad at mga sakunang gawa ng tao, hindi sila magkakaroon ng katinuan at ng katwiran. Sa paglipas ng panahon, mas lalo lang silang sasama. Marami bang halimbawa nito? Iyong mapapansin na sa mga walang pananampalataya, maraming mang-aawit at artista sa pelikula na handang magtiis ng paghihirap at ialay ang kanilang sarili sa trabaho nila bago sila sumikat. Ngunit nang makamit na nila ang kasikatan at magsimula na silang kumita ng malaking pera, hindi na sila tumatahak sa tamang landas. Ang ilan sa kanila ay gumagamit ng droga, ang ilan ay nagpapatiwakal, at umiikli ang kanilang buhay. Ano ang sanhi nito? Sobra-sobra ang kanilang materyal na kasiyahan, masyado silang komportable, at hindi nila alam kung paano magkamit ng higit na kasiyahan o kasabikan. Ang ilan sa kanila ay gumagamit ng droga upang makahanap ng higit na kasabikan at kasiyahan, at paglipas ng panahon, ay nalululong dito. Ang ilan ay namamatay dahil sa sobrang paggamit ng droga, at ang iba na hindi alam kung paano makaalpas dito ay nagpapatiwakal na lang sa bandang huli. Napakaraming halimbawa na ganito. Gaano man kaayos ang iyong pagkain, pananamit, pamumuhay, pagsasaya, o gaano man kaginhawa ang iyong buhay, at gaano kalubos mo mang nakakamit ang iyong mga ninanasa, sa bandang huli, mapupuno ka lang ng kalungkutan, at ang resulta ay pagkawasak. Ito bang kaligayahang hinahangad ng mga walang pananampalataya ay tunay na kaligayahan? Ang totoo, hindi ito kaligayahan. Ito ay imahinasyon ng tao, ito ay isang uri ng kasamaan, ito ay isang landas kung saan sumasama ang mga tao. Ang diumano’y kaligayahang hinahangad ng mga tao ay huwad. Ang totoo, ito ay pagdurusa. Isa itong mithiing hindi dapat hangarin ng mga tao, at hindi rin dito nasusukat ang halaga ng pamumuhay. Ang ilan sa mga pamamaraan at metodong ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao ay paghangarin silang mapasiya ang laman at magpalayaw sa kahalayan bilang mithiin. Sa ganitong paraan, ginagawang manhid ni Satanas ang mga tao, inaakit nito ang mga tao, at ginagawang tiwali ang mga tao, ipinaparamdam sa kanila na tila ba ito ang kaligayahan at inaakay silang habulin ang layuning iyon. Naniniwala ang mga tao na ang makamtan ang mga bagay na iyon ay ang makamtan ang kaligayahan, kaya ginagawa ng mga tao ang lahat ng kanilang makakaya para hangarin ang mithiing iyon. Ngunit pagkatapos nilang makamtan ito, hindi kaligayahan ang kanilang nararamdaman kundi kalungkutan at hinagpis. Pinatutunayan nito na hindi iyon ang tamang landas; iyon ay daan patungo sa kamatayan. Bakit hindi tinatahak ng mga taong nananalig sa Diyos ang daang ito tulad ng ginagawa ng mga walang pananampalataya? Ano ang kaligayahang nararamdaman ng mga taong nananalig sa Diyos? Paano ito naiiba sa hinahangad ng mga walang pananampalataya? Matapos magkaroon ng pananampalataya sa Diyos, ang karamihan sa mga tao ay hindi naghahangad ng malaking kayamanan. Hindi nila hinahangad ang kasaganaan sa lupa, tagumpay sa propesyon, o ang maging sikat. Sa halip, tahimik nilang ginagawa ang kanilang tungkulin, namumuhay sila nang simple, at hindi sila nagkakaroon ng sobra-sobrang hinihingi para sa kalidad ng kanilang buhay. May ilang tao pa nga na kontento nang magkaroon ng pagkaing makokonsumo at ng mga damit na maisusuot. Sa isang daigdig na ganito kadilim at kasama, bakit nakakayanan pa rin nilang piliin ang ganitong uri ng landas? Masasabi mo bang ang lahat ng kapatid na nananalig sa Diyos ay walang kakayahang kumita ng malaking pera? Siyempre hindi. Ito ay dahil pagkatapos magkaroon ng mga taong ito ng pananampalataya sa Diyos, masasabing nararamdaman na nila sa kaibuturan ng kanilang puso na ang pagsunod sa Diyos ang pinakarurok ng kaligayahan, at ang kaligayahang ito ay hindi mapapalitan ng anumang materyal na bagay sa mundo. May ilang tao pa nga ang sinubukan ito; dumanas sila ng mga paghihirap sa mundo nang ilang taon, at napagtanto nilang ito ay nakakapagod at napakahirap. Kahit na kumita sila ng kaunting pera at nakaranas sila ng mga kasiyahan ng laman, namuhay sila nang walang dignidad, at ang kanilang buhay ay unti-unting naging walang saysay at masaklap. Kanilang naramdaman na mas mainam pang mamatay na lang kaysa mabuhay nang ganoon. Ang mga taong ito ay nagkaroon na ng malalim na pagkaunawa sa mga bagay na ito. Hindi sila nananalig sa Diyos dahil lamang wala silang ibang mapagpipilian, kundi dahil tunay nilang naramdaman: Ang pagsunod sa Diyos at ang paglalakad sa landas ng paghahangad sa katotohanan, pati na rin ang pag-aalay at pagtutuon ng kanilang buong buhay sa Diyos, ang pinakamalaking ginhawa para sa kanilang puso, at ang pinakamahalagang bagay sa kanilang buong buhay; ang pagtatamo sa Diyos at ang pagkakamit ng katotohanan ang pinakarurok ng kaligayahan, at ito ang bagay na pinakanagbibigay ng kapayapaan, kagalakan, at katatagan sa puso ng mga tao. Kanila nang naramdaman ang kaligayahang ito; ito ay hindi kathang-isip. Masasabing ang ilan sa mga taong hinirang ng Diyos ay nakaranas na ng ilang pagdurusa at pagsubok, ay nauunawaan na ang katotohanan, at malalim na ang pagkaunawa sa maraming bagay. Kanila nang nakumpirma na ang pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan ang tamang landas, na wala nang iba pang landas na maaaring tahakin sa mundo, at tanging ang mga salita ng Diyos ang katotohanan—at napagpasyahan na nila ang landas na ito. Ang ganitong tao ay may tunay na pananampalataya, at ang mga taon ng kanilang pagdurusa ay hindi nauwi sa wala. Malalim man o mababaw lang ang kanilang mga sinasabing testimonyang batay sa kanilang mga karanasan, isang bagay ang malinaw: Kapag sinubukan mo silang pigilan sa kanilang pananampalataya sa Diyos at pinilit mo silang bumalik sa mundo, hinding-hindi sila babalik doon. Kahit pa mayroong nakakaakit na bundok ng ginto ang daigdig, na maaaring makatukso sa kanila sa oras na iyon, pag-iisipan nila itong maigi: “Ang pagkakaroon ng bundok ng ginto o bundok ng pilak ay hindi makakapagdala sa akin ng kasiyahan na katumbas ng pag-aalay ng aking sarili para sa Diyos at paggawa ng aking tungkulin. Kung magkakaroon ako ng kayamanang ginto at pilak, ako ay magiging masaya sa sandaling iyon, ngunit ako ay makakaranas ng pagdurusa at pasakit sa aking puso, kaya hindi ko maaaring tahakin ang landas na iyon, anuman ang mangyari. Hindi naging madali na mahanap ang Diyos; kung babalik akong muli, saan ako pupunta upang hanapin ang Diyos? Ang pagkakataong sumunod sa Diyos ay napakahirap makamtan! Wala nang masyadong oras, at ang oras mismo ay lumilipas—tunay ngang ito ay isang bihirang pagkakataon!” Kanila nang nakita ang pagpapakita at gawain ng Diyos, at ang pagkapit sa Diyos ay tila pagsunggab sa nakapagliligtas-buhay na dayami. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang nararamdaman ng isang taong nalulunod kapag kumapit siya sa isang salbabida? (Nararamdaman niyang may pag-asa siyang mabuhay, kaya hihigpitan niya ang kapit dito at hindi niya ito pakakawalan kahit kailan.) Iyan mismo ang kanyang nararamdaman. Kapag nakakapit siya sa isang salbabida, ano ang kanyang iniisip? “Hindi ko na kailangang mamatay ngayon, sa wakas ay may pag-asa na akong mabuhay! Kapag papalapit na ang kamatayan, hangga’t may katiting na pag-asa pang mabuhay, hindi ako puwedeng bumitaw kahit pa kailanganin kong gamitin ang buong lakas ko. Gaano man ito kahirap o kahapdi, hindi ko ito puwedeng hayaang makawala. Kahit pa umabot ako sa aking huling hininga, kailangan kong kumapit sa salbabidang iyon.” Kapag nararamdaman ng isang tao na may pag-asa siyang mabuhay, hindi ba’t masaya siya? Ngayon, kapag kayo ay tahimik na nag-iisip, nagmumuni-muni, nananalangin, o nakikibahagi sa espirituwal na debosyon, at inyong napagtatanto kung gaano karami na ang inyong natamo mula sa pagsunod sa Diyos, hindi ba’t umuusbong sa inyong puso ang kaligayahang ito? Sabihin ninyo ang inyong tunay na damdamin. (Kung hindi kami sumusunod kay Cristo, nahulog na sana kami sa kapahamakan, at ang mga kahihinatnan nito ay kahindik-hindik. Ngayon, sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at paggawa sa aming tungkulin, nauunawaan na namin ang napakaraming katotohanan. Natamo na namin ang tunay na pananampalataya at kaya rin naming matakot sa Diyos sa aming puso; natutunan na naming magpasakop sa Diyos. Marami na kaming natamo, at lubos kaming nagpapasalamat sa patnubay ng Diyos.) Tama iyan. Nakapakarami na ninyong natamo sa pagsunod sa Diyos at paggawa ng inyong tungkulin. Ito ang inihatid ng Diyos sa tao. Dapat ninyong pasalamatan nang nararapat ang Diyos at purihin Siya.
Kapag ang mga taong may tunay na pananampalataya sa Diyos ay may kinaharap na mga suliranin, sila ay may kakayahan na hanapin ang katotohanan, at matapos magkaroon ng ilang karanasan, sila ay makapagkakamit ng ilang katotohanan. Ang kaligayahang dala ng mga katotohanang ito ay sapat na upang mapalitan ang mga kasiyahang dulot ng mga materyal na bagay at kaginhawahan. Pagdating naman sa mga bagay na iyon, habang dumarami ang inyong nakakamit, kayo ay mas nagiging hindi kontento at mas nahihirapan kayong malaman ang mabuti mula sa masama. Subalit habang mas nauunawaan at nakakamit ng mga tao ang katotohanan, mas nalalaman nila na dapat silang magpasalamat sa Diyos at tumanaw ng utang na loob, mas nauuhaw ang kanilang puso na mahalin ang Diyos, at mas kaya nilang magpasakop sa Diyos at matakot sa Diyos. Ito ang tunay na kaligayahan. Ano ang naihahatid sa mga tao ng paghahangad ng materyal na kasiyahan? Kalungkutan at kasamaan; maaari lamang nitong palaguin ang kanilang paghahangad at pagnanasa ng mga materyal na bagay. Mahirap para sa mga tao na talikuran ang tukso ng katayuan, kasikatan, at pakinabang. Kaya paano makakalaya ang mga taong nananalig sa Diyos mula sa mga kasiyahang materyal na ito? Nakakamit ba ito sa pamamagitan ng pagdarasal araw-araw at pagsasagawa ng pagtitimpi? (Hindi, ito ay sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga bagay na ito.) Paano ba maiintindihan ng isang tao ang mga bagay na iyon? (Sa isang banda, ito ay sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, at sa kabilang banda, sa pamamagitan ng mga pansariling karanasan at pagkakatanto at unti-unting pagkaunawa sa ilang katotohanan, na maiintindihan ng isang tao ang mga bagay na ito.) Naiintindihan mo ang katotohanan kaya mabibitawan mo ang mga bagay na ito, at ipinapakita nito na iyo nang tinanggap ang katotohanan. Sa kaibuturan ng iyong puso, iyo nang tinanggap ang salita ng Diyos—ang Kanyang sinabi sa tao at ang Kanyang hinihingi sa tao—at ito ay naging realidad mo na. Ang realidad na ito ba ay iyong buhay? Ito ay naging buhay mo na. Sa paggawa mo ng iyong tungkulin, natamo mo na ang katotohanan bilang iyong buhay, nang hindi mo napapansin. Posibleng hindi mo pa ito nararamdaman, sa tingin mo ay tila mababa ang iyong tayog, at marami kang hindi nauunawaan—ngunit mayroon kang pusong may takot sa Diyos, at ipinapakita nito na ang buhay ng Diyos ay naging bahagi mo na. Ang pag-unlad sa buhay ay natural; hindi nito kinakailangang makaramdam ka sa isang partikular na paraan. Kahit pa hindi mo ito maipahiwatig sa malinaw na mga salita, ang katotohanan ay ikaw ay lumago at nagbago na. Samakatuwid, habang tinatanggap mo ang buhay katotohanan ng Diyos, ang iyong puso ay walang-kamalayang napalapit na sa Diyos, at sa kasagsagan nito ay sinisiyasat ka ng Diyos at minamasdan ang iyong puso. Ngayon, mag-isip ka nang maigi—hindi ba’t masaya ang prosesong ito? Ito ay labis na nakagagalak! Sobrang suwerte ninyo na mabuhay sa mga huling araw, na magkaroon ng pribilehiyo na tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, sumunod sa Diyos, at gawin ang inyong tungkulin. Ang mga salita ng Diyos ay direktang nakalapat sa inyo, na pinapahintulutan kayong makamit ang katotohanan bilang buhay. Gamit ang buhay ng mga salita ng Diyos bilang realidad, at buhay ng katotohanan bilang realidad, hindi ba’t tunay na napakahalaga ng buhay ng tao? Hindi ba’t ito ay naging marangal nang hindi ninyo namamalayan? Hindi ba’t ang pagiging buhay ay unti-unti nang naging mas marangal? Sa panahong ito lamang nararamdaman ng mga tao na napakarami na nilang natamo sa pananalig sa Diyos. Ang pagkaunawa sa ilang katotohanan ay nakakapaghatid ng ganitong pagbabago sa mga tao; dati, hindi nila ito nauunawaan, ngunit ngayon ay malinaw na nila itong nakikita. Ang katotohanan ng mga salita ng Diyos ay naging buhay na pala nila sa kalooban nila. Ang katotohanan ay nakaugat na sa puso at namumukadkad para bumunga—iyan ang buhay; ito ang bungang nagmula sa pagkaunawa sa katotohanan, at hindi ito mapapalitan ng kahit anuman. Kapag kalaunan ay nakaranas kayo ng ilang pagdidisiplina, pagtutuwid, paghatol, at pagkastigo, at nagawa ninyong tanggapin at magpasakop sa mga ito, hindi ninyo mamamalayang makikilala ninyo ang Diyos matapos ninyong maunawaan ang maraming katotohanan, at ang inyong buhay ay lalong uunlad. Hindi ba’t iyon ay unti-unting paglago? Hindi ba’t inaasam rin ninyo ang araw na iyon? (Oo.) Kung gayon, kinakailangan ninyong pagsikapan ang katotohanan.
Sipi 93
Ano ang inaasahan ng mga hindi nakauunawa sa katotohanan kapag gumagawa sila ng mga bagay? Umaasa sila sa mga pamamaraan ng tao, sa katalinuhan ng tao, at sa munting pagkamalikhain ng tao. Kapag nagawa at natapos na ang mga bagay sa pamamagitan ng mga ito, ang mga tao ay nagiging mayabang. Pakiramdam nila ay mayroon silang puhunan at puwede nilang ipagyabang at ipagmalaki ang kanilang senyoridad. Ang tawag dito ay kawalan ng katwiran. Ang totoo, hindi nila alam kung ang kanilang nagawa ay naaayon ba sa mga layunin ng Diyos o hindi. Hindi sila nakauunawa, wala silang kabatiran. Kaya, kung may mangyari sa kanila, ang gayong mga tao ay mahilig makipagtalo sa malilit na bagay. Kapag sila ay nakakagawa ng mga pagkakamali sa pagganap nila sa kanilang tungkulin at sila ay pinupungusan, humahanap sila ng mga panlabas na dahilan, sinisisi ang ganito at sinisisi ang ganyan. Sinisisi nila ang mga kaawa-awang kalagayan, sinisisi nila ang kanilang mga sarili dahil hindi nila pinag-isipan nang husto ang mga bagay nang oras na iyon. Naghahanap lamang sila ng mga panlabas na dahilan; hindi nila inaamin na hindi nila nauunawaan ang katotohanan, o na hindi nila naintindihan ang mga katotohanang prinsipyo. Ang kanilang puso ay negatibo at puno ng maling pagkaunawa sa Diyos, at naniniwala sila na ibinunyag sila ng Diyos. Ito ba talaga ang sitwasyon? Sa pagganap nila sa kanilang tungkulin, inihahayag nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Gumagawa sila ng mga bagay nang walang anumang mga prinsipyo at walang anumang kaugnayan sa katotohanan. Kahabag-habag sila. Ang gayong mga tao ay gumaganap sa kanilang tungkulin nang walang pagpapasakop; hindi masasabi na sila ay mayroong anumang katapatan o debosyon, at ang pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan ay lalong labas sa usapan. Palagi silang umaasa sa mga pamamaraan ng tao upang gumawa ng mga bagay, kumikilos at nagsusumikap lang sa panlabas, ngunit sa huli ay bigo pa rin silang maunawaan ang katotohanan. May mga pagbabago ba sa mga disposisyon sa buhay ng mga taong ito? Ang kaugnayan ba nila sa Diyos ay normal? Mayroon bang anumang mabuting pagbabago sa kanilang pagpapasakop at pagkatakot sa Diyos? (Wala.) Walang mabuting pagbabago sa kanilang mga buhay. Walang pagbabago sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Lalo lang silang nagiging mas tuso at mas lihis, gumagamit ng mas mapanlinlang na mga pamamaraan at lalo pa ngang nagiging mayabang. Anuman ang kanilang hinaharap, nabubuhay pa rin sila sa pilosopiya ni Satanas, na paulit-ulit na binubuod ang kanilang mga karanasan at mga aral na natutunan, tinatandaan kung saan sila bumagsak at nabigo, at kung anong mga aral ang dapat nilang matutunan upang maiwasang muling bumagsak at mabigo. Palagi nilang binubuod ang kanilang mga karanasan at mga aral na gaya nito, na ni hindi man lamang hinahanap ang katotohanan. Mawawaksi ba ng isang tao ang kanyang tiwaling disposisyon habang siya ay nabubuhay sa pilosopiya ni Satanas? Kung ang kanyang tiwaling disposisyon ay hindi mawawaksi, makakamtan ba niya ang kaligtasan? Ang kabiguang maunawaan ang mga bagay na ito ay mapanganib, na walang paraan para makapasok sa tamang daan ng pananampalataya sa Diyos. Pagkatapos ng napakaraming taon ng pananampalataya sa Diyos sa paraang basta-basta lamang, makakamtam ba niya ang katotohanan? Magiging normal pa ba ang kanyang konsiyensiya at katwiran? Makapamumuhay ba siya nang may normal na pagkatao? (Hindi.) Ang pagbubuod sa mga karanasan at aral gaya nito at pagbabago sa pag-uugali ng isang tao ay maaaring makabawas sa mga pagkakamali, ngunit ito ba ay maibibilang bilang pagsasagawa ng katotohanan? (Hindi.) Ang taong ito ba ay makapapasok sa mga katotohanang realidad? (Hindi.) Mayroon bang puwang sa puso ng gayong tao ang Diyos? (Wala.) Yaong mga kumikilos nang walang pagpapahalaga sa katotohanan, o para sa Diyos, ay mga hindi mananampalataya na hindi kayang magkamit ng kaligtasan ng Diyos! Makikilala ba ninyo ang mga taong gaya nito?
Kapag may ginagawa ang isang tao, ito man ay ginagawa niya bilang pagtupad sa kanyang tungkulin o bilang pagtugon sa mga personal na bagay, bigyan mo ng pansin kung saan nakatuon ang kanyang atensyon. Kung siya ay tumutuon sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, nagpapakita ito na hindi niya minamahal o hinahangad ang katotohanan. Kung ang isang tao ay nagsisikap tungo sa katotohanan kahit ano pa ang mangyari sa kanya, kung palagi niyang inaabot ang katotohanan sa kanyang pagninilay, na nag-iisip: “Ang paggawa ba nito ay nakaayon sa kalooban ng Diyos? Ano ang mga hinihingi ng Diyos? Ang paggawa ba nito ay pagkakasala sa Diyos? Pagkakasala ba ito laban sa Kanyang disposisyon? Ito ba ay makakasakit sa Diyos? Ito ba ay kasusuklaman ng Diyos? Mayroon bang saysay sa paggawa nito? Ito ba ay makaaabala o makagugulo sa gawain ng iglesia? Ito ba ay makasasama sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Ito ba ay magdadala ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos? Ito ba ay pagsasagawa ng katotohanan? Ito ba ay paggawa ng masama? Ano ang iisipin ng Diyos tungkol dito?” kung palagi niyang pinag-iisipan nang mabuti ang mga katanungang ito, ito ay tanda ng ano? (Ito ay isang tanda na hinahanap at hinahangad niya ang katotohanan.) Tama iyan. Ito ay isang tanda na hinahanap niya ang katotohanan, at na ang Diyos ay nasa puso niya. Paano hinaharap ng mga tao na walang Diyos sa kanilang puso kung anong nangyayari sa kanila? (Sila ay kumikilos batay sa kanilang sariling katalinuhan at mga kaloob, at wala silang anumang kaugnayan sa Diyos, at ang kanilang mga gawa ay sadyang hinahaluan ng kanilang mga sariling hangarin.) Hindi lamang nila inihahalo ang kanilang mga sariling hangarin, kundi kapag sila ay kumikilos ayon sa kanilang mga sariling hangarin, hindi nila sinusuri o pinagninilayan man lamang ang kanilang mga sarili. Wala silang isinusuko, at matigas ang ulo na ipinipilit na manatili sa kanilang sariling mga pamamaraan. Ginagawa nila ang mga bagay kung paano man nila maibigan, hindi sila nananalangin sa Diyos, at hindi nila hinahanap ang katotohanan. Wala silang kaugnayan sa Diyos. Hindi ba’t madali para sa gayong mga tao na gumawa ng mali at magkasala laban sa disposisyon ng Diyos? Hindi ba’t lubha itong mapanganib? Ano-anong katangian ang ipinakikita ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan sa kanilang buhay sa araw-araw, sa paraan kung paano sila kumikilos at gayundin sa mga disposisyon na kanilang inihahayag? (Kumikilos sila nang padalus-dalos at walang pagpipigil, hinahamak ang iba, lalong higit na mayabang at may masamang pamumuhay, at gumagawa ng mga desisyon na isahang panig lamang.) Pangunahin ay ito ang mga bagay: Sila ay mayabang, may labis na pagtingin sa sarili, walang habas na padalus-dalos, may masamang pamumuhay, at hindi nagpipigil; sila ay kumikilos nang walang katwiran, gumagawa ng mga bagay kung paano nila maibigan, at palaging walang kontrol at lumalabag sa batas. Kung hindi sila napupungusan, inilalabas nila ang kanilang mga pangil. Kapag sila ay nahaharap sa pagpupungos, sila ay negatibo, galit, lumalaban, at suwail, at ang kanilang kalikasang demonyo ay ganap na nalalantad. Kapag ang mga taong ito na hindi naghahangad sa katotohanan ay walang ginagawa o sinasabing anuman, sila ay lumilitaw na parang mga karaniwang tao. Ngunit sa oras na mayroon silang gawing isang bagay, lumilitaw ang kanilang mga tiwaling disposisyon at ito ay malupit at parang hayop. Sa mga salita ng Diyos, paano inilalarawan ang gayong mga tao? (“Ang nakikita sa inyo ay hindi ang kapilyuhan ng mga batang napalayo sa kanilang mga magulang, kundi ang kabangisang lumalabas mula sa mga hayop na hindi abot ng mga latigo ng kanilang mga amo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Pagkaunawa Mo sa Diyos?).) Ang mga disposisyon na inihahayag ng gayong mga tao ay mailalarawan bilang parang hayop, at salat sila sa normal na pagkatao. Kung mayroong gayong mga tao sa isang malaking pagtitipon, makikilala niyo ba sila? (Bahagya.) Yaong mga naghahanap sa katotohanan at yaong mga hindi ay ganap na magkaiba sa kung paano sila kumikilos at kung ano ang kanilang inihahayag. Ang malinaw na mga pagpapamalas ng mga hindi naghahanap sa katotohanan ay ang kawalan ng katwiran, kawalan ng konsiyensya, at pagkilos nang walang pagpapahalaga sa mga katotohanang prinsipyo. Sila ay kumikilos nang walang habas at nang walang ingat, at sila ay mapangahas sa pinakasukdulan. Yaong mga hindi naghahangad sa katotohanan ay parehong kahabag-habag at kasuklam-suklam. Ginagawa nilang hangal ang kanilang mga sarili, na walang dinadalang anumang pakinabang sa ibang tao. Kung wala silang hatid na pakinabang sa iba, kasusuklaman ba sila ng Diyos kung gayon? (Oo.) Sila ba mismo ay mayroong anumang kaalaman ukol dito? (Wala.) Bakit ko sinasabi na sila ay kahabag-habag? Ito ay dahil gayon nga sila ngunit ni hindi nila ito napagtatanto. Wala silang anumang pagkakatulad sa wangis ng tao ngunit iniisip pa rin nila na sila ay maayos, at malakas pa ang loob nilang kumilos nang padalus-dalos. Hindi ba’t iyan ay kahabag-habag? Sa pagkilatis sa mga tao, ang pangunahing bagay ay kilalanin kung sila ay nagsasagawa ng katotohanan o hindi, naghahanap ng katotohanan, at tumatanggap ng katotohanan. Ganito mo sila makikilatis nang wasto, at makikita nang malinaw ang lahat ng mga kategorya ng mga tao.
Kayo ba yaong mga naghahangad sa katotohanan? (Hindi namin ito hinangad noon, ngunit ngayon ay nagsisikap kami para rito.) Sa nakalipas na ilang taon, noong hindi ninyo hinangad ang katotohanan, nagpakita ba kayo ng mga pag-uugali na kababanggit Ko lang? (Oo, nagpakita kami.) Nang nagpakita kayo ng gayong mga pag-uugali, hindi ba nasaktan ang inyong kalooban na kayo ay nabuhay sa kalagayang gaya niyan? (Oo, kami ay nagdurusa, ngunit hindi namin ito napagtanto.) Labis na kahabag-habag na hindi ito mapagtanto! Kapag hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan at wala siyang katotohanang realidad, iyan ang pinakakahabag-habag at katangis-tangis. Ang panghawakan ang mga katotohanang ito, madalas na nakikinig sa mga sermon, ngunit hindi nagkakamit ng anuman at nabubuhay pa rin sa mga gapos ni Satanas, kumikilos at nagsasalita nang walang katwiran, malinaw na salat sa pagkatao—ito ay labis na kahabag-habag! Kaya, ang paghahangad sa katotohanan ay labis ang kahalagahan! Napagtatanto na ninyo ito ngayon, hindi ba? (Oo, napagtatanto namin ito.) Mabuti’t napagtatanto ninyo ito. Ang nakababahala ay kapag walang malasakit at hirap umunawa ang mga tao, at hindi ito mapagtanto. Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan at hindi niya ito alam, hindi iyon isang mabigat na problema. Ang higit na nakapag-aalala sa lahat ay ‘yong napagtatanto ito ng isang tao ngunit hindi pa rin niya hinahangad ang katotohanan, at hindi siya ganap na nagsisisi. Ito ay isang sinasadyang paglabag. Yaong mga lumalabag kahit alam nila at lubos na tumatanggi na tanggapin ang katotohanan, ay mapagmatigas sa kanilang puso at may masamang hangarin, at tutol sa katotohanan. Maaari bang maging mga taong may takot sa Diyos yaong mga mapagmatigas? Kung hindi sila natatakot sa Diyos, makakamtan ba nila ang pagiging kaayon ng Diyos? (Hindi.) Anong mga pag-uugali mayroon ukol sa Diyos yaong mga may mapagmatigas na puso? Sila ay lumalaban, mapaghimagsik, at hindi nagsisisi, at lubos nilang hindi kinikilala na ang Diyos ang katotohanan. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan at sinasalungat nila ang Diyos hanggang sa wakas! Ano ang kahihinatnan ng gayong mga tao? (Sila ay parurusahan ng Diyos at lilipulin.) Hindi inililigtas ng Diyos ang gayong mga tao. Yaon bang 250 na mga pinuno na nabanggit sa Bibliya ay mga mapagmatigas at suwail na tao? Anong nangyari sa kanila sa huli? (Sila ay nilamon ng lupa.) Iyan ang kinalabasan. Gaano man katagal na nananampalataya sa Diyos ang isang tao, kung hindi niya alam ang kahalagahan ng paghahangad sa katotohanan, kung hindi niya nauunawaan ang pagiging kasuklam-suklam at ang mga bunga ng pagtutol sa katotohanan, kung gayon, ano ang magiging kahihinatnan niya? Siya ay tiyak na ititiwalag. Ang mga bagong mananampalataya ay hangal at salat sa kaalaman, na hindi pa nila nalalaman kung paano isagawa ang mga tamang tungkulin o ang tamang landas na lalakaran. Iyan ang nakahahabag na aspeto ng mga tao. Kung ikaw ay nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon at kaya mong gawin ang iyong tungkulin, ngunit hindi mo hinahangad ang katotohanan, iyan ay pagtatrabaho lamang. Kung kaya mong gawin ang iyong tungkulin nang may katapatan, handang magtrabaho, hindi gumawa ng masama, at hindi magdudulot ng mga kawalang-kaayusan o mga kaguluhan, kung gayon, kahit na hindi mo pa hinahangad ang katotohanan, dahil kaya mong gawin ang iyong tungkulin nang may katapatan, hindi ka pa rin kokondenahin ng Diyos. Ngunit kung mauunawaan na ng isang tao ang ilan sa mga katotohanan, at mapagtatanto ang kahalagahan ng paghahangad sa katotohanan, ngunit hindi pa rin hinahangad ang katotohanan, kung gayon ang kaligtasan ay hindi magiging madali para sa kanya. Sa pinakamabuti, maaari siyang manatili bilang isang matapat na trabahador. Para sa mga ayaw magtrabaho, nakikipagkompetensiya para sa kapangyarihan at pakinabang, at ginugulo ang buhay at gawain ng iglesia, ang kanilang kahihinatnan ay selyado na. Sila ay nahulog na sa kapahamakan at naghihintay ng kamatayan. Dapat silang maghanda para sa kung ano ang darating!
Sipi 94
May mga taong kasisimula pa lang manalig sa Diyos na madalas ay negatibo at mahina. Ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, napakababa ng kanilang tayog, at hindi nila nauunawaan ang iba’t ibang katotohanan tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Kaya, naniniwala silang mahina ang kanilang kakayahan, na hindi nila kayang makisabay, na marami silang paghihirap—ito ay nagdudulot ng pagkanegatibo, at nagpapasuko pa nga sa kanila: Nagpapasya silang sumuko, na hindi na hangarin ang katotohanan. Sila ang nagtitiwalag sa mga sarili nila. Ang iniisip nila ay, “Ano’t anuman, hindi ako sasang-ayunan ng Diyos sa aking pananalig sa Kanya. Ayaw rin sa akin ng Diyos. At wala akong gaanong panahon para pumunta sa mga pagtitipon. Mahirap ang buhay ng pamilya ko at kailangan kong kumita ng pera,” at iba pa. Lahat ng ito ay nagiging mga dahilan kung bakit hindi sila nakakapunta sa mga pagtitipon. Kung hindi ka mabilis sa pag-alam kung ano ang nangyayari, malamang ay ipagpapalagay mo na hindi nila mahal ang katotohanan, at na hindi sila taong tunay na nananalig sa Diyos, o kaya naman ay ipagpapalagay mong nagnanasa sila ng mga kaginhawahan ng laman, na naghahangad sila ng mga makamundong bagay at hindi nila mabitiwan ang mga iyon—at dahil dito, iiwanan mo na sila. Tumutugma ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Tunay bang kinakatawan ng mga dahilang ito ang kanilang kalikasang diwa? Sa katunayan, dahil sa kanilang mga paghihirap at mga gusot kung kaya’t nagiging negatibo sila; kung malulutas mo ang mga problemang ito, hindi sila gaanong magiging negatibo, at magagawa nilang sumunod sa Diyos. Kapag sila ay mahina at negatibo, kailangan nila ang suporta ng mga tao. Kung tutulungan mo sila, magagawa nilang tumayong muli sa kanilang mga paa. Ngunit kung babalewalain mo sila, magiging madali para sa kanila na sumuko dahil sa pagiging negatibo. Nakasalalay ito sa kung ang mga taong gumagawa ng gawain ng iglesia ay may pagmamahal, sa kung dinadala nila ang pasaning ito. Ang hindi madalas na pagpunta ng ilang tao sa mga pagtitipon ay hindi nangangahulugan na hindi sila tunay na naniniwala sa Diyos, hindi iyon katumbas ng hindi pagkagusto sa katotohanan, hindi iyon nangangahulugan na nagnanasa sila ng mga kasiyahan ng laman, at hindi nila nagagawang isantabi ang kanilang pamilya at trabaho—lalong hindi sila dapat husgahan na masyadong emosyonal o humaling sa pera. Sadya lamang na sa mga bagay na ito, iba-iba ang mga tayog at hangarin ng mga tao. Ang ilang tao ay minamahal ang katotohanan, at nagagawa nilang hangarin ang katotohanan; handa silang magdusa para maisuko ang mga bagay na ito. Ang ilang tao ay kakatiting ang pananampalataya, at kapag naharap sila sa aktuwal na mga paghihirap ay wala silang magawa, at hindi nila mapagtagumpayan ang mga ito. Kung walang tumutulong o sumusuporta sa kanila, titigil sila sa pagsisikap at susukuan nila ang sarili nila; sa gayong mga panahon, kailangan nila ang suporta, malasakit, at tulong ng mga tao. Maliban na lamang kung sila ay hindi mananampalataya, at walang pagmamahal sa katotohanan, at isang masamang tao—kung magkagayon ay maaari silang balewalain. Kung sila ay taong tunay na nananalig sa Diyos at hindi sila madalas nakakapunta sa mga pagtitipon dahil sa ilang totoong paghihirap, hindi sila dapat iwanan, kundi bigyan ng tulong at suporta nang may pagmamahal. Kung sila ay mabubuting tao, at may kakayahang makaarok, at may mahusay na kakayahan, lalo na silang mas karapat-dapat na tulungan at suportahan.
Sipi 95
Hindi sapat na magsumikap lang kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, dapat mo ring ibigay ang buong puso mo rito. Ang nag-iisang paraan para maibigay mo ang lahat ng iyong makakaya ay ang gawin mo ito nang buong puso. Kung wala ang puso mo rito, hindi mo maibibigay ang lahat ng makakaya mo. Kung ibibigay mo lamang ang buong lakas mo ngunit hindi ang buong puso mo, nagsisikap ka lamang ngunit wala ang iyong puso sa ginagawa mo. Ang paraang ito ng pagganap ng tungkulin ay hindi katanggap-tanggap sa Diyos. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, dapat lagi mong gawin ang abot ng iyong makakaya para magbigay-lugod sa Diyos nang buong puso, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip. Kung ibibigay mo lamang ang kalahati ng iyong lakas at itatago mo ang isa pang kalahati, at iisipin mo, “Ayokong mapagod; sino ang tutustos sa akin pagkatapos kong mapagod?” Tama ba ang saloobing ito? (Hindi.) May mawawala ba sa iyo kung gagawin mo ang iyong tungkulin nang may ganitong kaisipan? (Oo.) Anong uri ng kawalan? (Masusuklam sa akin ang Diyos, at unti-unting mawawala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu.) Malaking kawalan ang hindi pagkakaroon ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung mananalig ang mga tao sa Diyos sa loob ng ilang taon ngunit wala ang gawain ng Banal na Espiritu, napakalaki ng mawawala sa kanila na wala silang makakamit. Parang walang kabuluhan ang kanilang pananalig. Maraming tao ang hindi naghahangad sa katotohanan, at sila ay matitiwalag pagkatapos ng ilang taon ng pananalig. Samakatuwid, gaano man katindi ang pagod mo tuwing ginagawa mo ang iyong tungkulin, kung hindi mo ibibigay ang buong puso mo rito, hindi mo makakamtan ang katotohanan. Ito ba ay kawalan? Nauunawaan ba ninyong ito ay kawalan? Kung ikaw ay isang taong tunay na nakakaunawa sa katotohanan, makikita mong napakalaki ng kawalang ito. Sa mga taong lima o sampung taon nang nananalig sa Diyos, may mga nakakamit na ng katotohanang realidad, habang ang iba ay nangangaral pa rin ng mga salita at doktrina. Malaki ba ang pagkakaibang ito? (Oo.) Paano ito naaabot ng mga nakakamit na ng katotohanang realidad? Sa pamamagitan ng karanasan at pagsasagawa. Ibinigay ba ito ng Diyos? (Oo.) Ano ang nangyayari sa mga taong hindi pa nakakamit ang katotohanang realidad at nangangaral pa rin ng mga salita at doktrina? Maraming taon silang nananalig sa Diyos ngunit hindi nila nakakamit ang katotohanan dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan, at ginagampanan nila ang kanilang tungkulin gamit lamang ang kanilang lakas at hindi ang kanilang puso. Pagpapala ba o kasawian ang manalig sa Diyos pero hindi makamit ang katotohanan? (Ito ay kasawian.) Bakit ito kasawian? Nauunawaan mo ba ito? Malaki o maliit bang problema ang katunayang hindi mo pa nakakamit ang katotohanan? (Malaking problema.) Ano ang kaugnay ng malaking problemang ito? May kaugnayan ba ito sa kaligtasan? (Oo.) Ano ang ibig sabihin kapag buong araw kang nangangaral ng mga salita at doktrina? Ginagawa nitong alanganin ang pagliligtas at ginagawa itong mahirap makamit. Ang ilang tao ay sampung taon nang nananalig sa Diyos pero nangangaral pa rin ng mga salita at doktrina. Ang iba ay dalawampung taon nang nananalig pero hindi pa rin nakakapasok sa katotohanang realidad at hindi pa rin alam kung ano ang ibig sabihin ng katotohanang realidad. Nasa peligro ba ang mga taong ito? Hindi ba malinaw kung sila ay maliligtas o hindi? (Oo.) Sabihin ninyo sa Akin, sa mga taong ganoon karaming taon na ring nananalig, aling uri ng tao ang may mas malaking tsansa at mas malaking pag-asa na maligtas? Ito ba ang mga taong nangangaral ng mga salita at doktrina o ang mga taong mayroong katotohanang realidad? (Ang mga taong mayroong katotohanang realidad.) Napakadali lang nito. Kung gayon, anong uri ng tao ang gusto ninyong maging? (Ang mga taong mayroong katotohanang realidad.) Paano magkakaroon ng katotohanang realidad ang isang tao? (Sa pamamagitan ng aktuwal na pagsasagawa ayon sa salita ng Diyos.) (Sa pamamagitan ng pagtupad sa tungkulin nang buong puso, lakas, at isipan ayon sa mga hinihingi ng Diyos at paggawa ng lahat ng makakaya para mapalugod ang Diyos.) Tama iyan. Kung gagawin mo ang anumang ipapagawa sa iyo ng Diyos, makakamit mo ang katotohanan. Ano ang kaugnay nito? Kaugnay nito ang kahihinatnan at destinasyon ng isang tao. May mga taong hangal at mayabang, at ni hindi nila alam kung gaano kalaki ang nawala sa kanila, o kung ano ang pinsalang naranasan nila. Nakaupo lang sila, salita nang salita, at nangangaral ng mga salita at doktrina, pero hindi pa rin nila alam na malapit na sila sa kapahamakan! Ano ang katapusan ng mga taong hindi maliligtas? Una sa lahat, ititiwalag sila ng Diyos at, sa hinaharap, ano ang katapusan nila? (Kapahamakan at pagkawasak.) Ito ang kahihinatnan nila, ito ang destinasyon nila. Kung mananalig ang mga tao sa Diyos at ganito ang kanilang katapusan, ito ba ang orihinal nilang layunin sa pananalig sa Kanya? (Hindi.) Walang may gustong mangyari sa kanila ito. Kung ayaw mo ng ganitong katapusan, huwag mong tahakin ang landas na iyon. Dapat mong tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan at saka mo lamang makakamtan ang kaligtasan.
Kung hindi matatanggap ng mga tao ang gawain sa mga huling araw, tuluyan silang matatapos at hindi na sila makakakuha ng isa pang pagkakataon. Hindi ito gaya ng gawain noong Kapanahunan ng Biyaya, na kung hindi ito natanggap ng isang tao, saan mang bansa siya ipinanganak, ay maaari pa rin siyang maghintay ng pagkakataon para matanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ang katapusan ng gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang katapusan ng Kanyang plano ng pamamahala, at ano ang ibig sabihin ng katapusan? Ang ibig sabihin nito ay itatakda Niya kung ano ang magiging wakas ng bawat tao, at malapit na ang pagwawakas ng lahat ng bagay at ng sangkatauhan. Naabot na ng gawain ng Diyos ang yugtong ito, at kung wala ang pangitaing ito sa puso ng mga tao, kung lagi silang nalilito at ginagawa nila ang kanilang tungkulin nang pabasta-basta, kung hindi nila sineseryoso ang paghahangad sa katotohanan at iniisip nila na, basta nananalig sila, ay maliligtas sila, mawawala sa kanila ang huli nilang pagkakataong maligtas. Isang araw pagdating ng malalaking kalamidad, at kapag ganap nang natapos ang gawain, hindi na gagawin ng Diyos ang gawain ng pagdidilig at pagbibigay ng katotohanan sa mga tao. Ano ang magiging disposisyon ng Diyos kapag hinarap Niya ang sangkatauhan sa panahong iyon, alam mo ba? Magiging matindi ang Kanyang galit at ang Kanyang matuwid na disposisyon ay ihahayag sa buong sangkatauhan, sa paraang hindi pa kailanman ginawa noon. Ito ang huling malaking sakuna para sa sangkatauhan. Ito na ang panahon kung kailan gumagawa ang Diyos para mailigtas ang mga tao. Siya ay matiyaga, mapagtiis, at naghihintay Siya. Naghihintay para saan? Naghihintay para sa mga itinakda Niyang tao, para sa mga hinirang Niyang tao, para sa mga taong gusto Niyang iligtas na makalapit sa Kanya, matanggap ang Kanyang paghatol at pagkastigo, at matanggap ang Kanyang pagliligtas. Kapag nakompleto na ang mga taong ito, matatapos na ang dakilang gawain ng Diyos, at hindi na itutuloy ng Diyos ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Hindi ito ang panahon ni Noe, o ang panahon ng pagkawasak ng Sodom, o ang panahon ng paglikha sa mundo. Sa halip, ito ang panahon ng pagwawakas ng mundo. May ilang taong nananaginip pa rin, at hindi nila alam kung anong yugto na ang naabot ng gawain ng pagliligtas ng Diyos. Kahit na natanggap na nila ang pagpapakita at gawain ng Diyos, hindi pa rin sila nagmamadali, nalilito pa rin sila at hindi nila ito sineseryoso. Sa oras na matapos ang yugtong ito ng gawain, itatakda na ang kalalabasan ng isang tao, at hindi na ito mababago. Hangal ang tao at iniisip pa rin niya, “Ayos lang, bibigyan naman tayo ng Diyos ng isa pang pagkakataon!” Ibinibigay ang pagkakataon sa panahon ng gawain ng Diyos. Paano pa magkakaroon ng bagong pagkakataon kung tapos na ang panahong ito? Hindi ba’t panaginip lamang iyan?