2. Ang CCP at ang relihiyosong mundo ay galit na galit sa kanilang pagkondena at pagtutol sa Makapangyarihang Diyos, naghahabi ng kuwento at nagpapakalat ng maraming alingawngaw at kamalian. Paano pakikitunguhan ng Diyos ang mga bulag na tumatanggap sa mga tsismis at kamalian na ito, at walang pagsisikap na hanapin at siyasatin ang tunay na daan? Anong uri ng kahihinatnan ang magkakaroon sila?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Ang Aking bayan ay nasira dahil sa kakulangan ng kaalaman” (Hosea 4:6).
“Ang mangmang ay namamatay sa kakulangan ng karunungan” (Kawikaan 10:21).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Lahat ng umiiling kapag naririnig nila ang katotohanan, na ngumingisi kapag nakakarinig sila ng tungkol sa kamatayan, ay mga supling ni Satanas, at sila iyong ititiwalag. Marami sa iglesia ang hindi makakilatis. Kapag nangyayari ang mga insidente kung saan nalilihis ang mga tao, mapagpumilit na pumapanig sila kay Satanas; pakiramdam pa nga nila ay labis silang naaagrabyado na tinatawag silang mga alipin ni Satanas. Bagama’t maaaring sabihin ng mga tao na hindi sila makakilatis, lagi silang nasa panig na walang katotohanan, hindi sila pumapanig sa katotohanan kailanman sa kritikal na panahon, hindi sila tumatayo at nakikipagtunggali kailanman para sa katotohanan. Wala ba talaga silang pagkilatis? Bakit mapagpumilit silang pumapanig kay Satanas? Bakit hindi sila nagsasabi kailanman ng isang salitang makatarungan o makatwiran para suportahan ang katotohanan? Talaga bang nangyari ang sitwasyong ito dahil sa panandalian nilang kalituhan? Kapag mas kaunting pagkilatis ang mayroon ang mga tao, mas hindi nila nagagawang pumanig sa katotohanan. Ano ang ipinapakita nito? Hindi ba nito ipinapakita na gustong-gusto ng mga taong walang pagkilatis ang kasalanan? Hindi ba nito ipinapakita na sila ay ang mga tapat na supling ni Satanas? Bakit ba palagi nilang nagagawang pumanig kay Satanas at umayon sa salita nito? Bawat salita at gawa nila, ang mga ekspresyon sa kanilang mga mukha, ay sapat na lahat upang patunayan na hindi sila mga taong nagmamahal sa katotohanan; sa halip, sila ay mga taong namumuhi sa katotohanan. Sapat nang kaya nilang pumanig kay Satanas upang patunayan na talagang mahal ni Satanas ang walang-kuwentang mga diyablong ito na ginugugol ang kanilang buhay sa pakikipaglaban para sa kapakanan ni Satanas. Hindi ba napakalinaw ng lahat ng katotohanang ito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan
Ano ang unang reaksyon ng ilang tao kapag naririnig nila ang ilang tsismis o paninirang-puri tungkol sa Diyos? Ang una nilang reaksyon ay ang mag-isip kung totoo ang tsismis na ito o hindi at kung umiiral ang mga tsismis na ito o hindi, at pagkatapos ay hinihintay nila kung ano ang mangyayari. Pagkatapos ay nagsisimula silang mag-isip, “Walang paraan para mapatunayan ito. Talaga bang nangyari iyon? Totoo ba ang tsismis na ito o hindi?” Bagamat hindi ito ipinapakita ng mga taong ganito, nagsimula na silang magduda sa kanilang puso, at nagsimula nang ikaila ang Diyos. Ano ang diwa ng ganitong klaseng saloobin at ng gayong pananaw? Hindi ba ito pagkakanulo? Hangga’t hindi sila nahaharap sa bagay na ito, hindi mo makikita ang mga pananaw ng mga taong ito; tila hindi sila sumasalungat sa Diyos, at parang hindi nila Siya itinuturing na kaaway. Gayunman, sa sandaling maharap sila sa isang problema, agad silang kumakampi kay Satanas at lumalaban sa Diyos. Ano ang ipinahihiwatig nito? Ipinahihiwatig nito na magkasalungat ang mga tao at ang Diyos! Hindi naman sa itinuturing ng Diyos ang sangkatauhan bilang kaaway, kundi ang mismong diwa ng sangkatauhan ang salungat sa Diyos. Gaano man katagal nang nakasunod ang isang tao sa Kanya o gaano man kalaki ang halagang ibinayad nila, at paano man nila pinupuri ang Diyos, paano man nila pigilan ang kanilang sarili sa pagsuway sa Kanya, at gaano pa man nila hinihimok ang kanilang sarili na mahalin ang Diyos, hindi nila kailanman magagawang tratuhin ang Diyos bilang Diyos. Hindi ba ito ipinapasya ng diwa ng mga tao? Kung tinatrato mo Siya bilang Diyos at tunay kang naniniwala na Siya ay Diyos, maaari ka pa rin bang magkaroon ng anumang mga pagdududa sa Kanya? Maaari ka pa rin bang magkimkim ng anumang mga pagdududa tungkol sa Kanya sa puso mo? Hindi na maaari, hindi ba? Ang mga kalakaran ng mundong ito ay napakasama, at ang sangkatauhan ding ito; kaya, paano ka hindi magkakaroon ng anumang mga kuru-kuro tungkol sa mga ito? Ikaw mismo ay napakasama, kaya paano nangyari na wala kang mga kuru-kuro tungkol diyan? Gayunman, sa ilang tsismis lamang at ilang paninirang-puri ay maaaring magpasimula ng gayon kalalaking kuru-kuro tungkol sa Diyos, at humahantong sa iyong pagkakaroon ng napakaraming imahinasyon, na nagpapakita kung gaano kamusmos ang iyong tayog! Ang “paghugong” lamang ng ilang lamok at ilang nakakainis na mga langaw—sapat na ba iyan para iligaw ka? Anong klaseng tao ito? Alam mo ba kung ano ang iniisip ng Diyos tungkol sa gayong mga tao? Ang saloobin ng Diyos ay talagang napakalinaw hinggil sa kung paano Niya sila tinatrato. Iyon ay na ang pagtrato ng Diyos sa mga taong ito ay ang balewalain lamang sila—ang Kanyang saloobin ay huwag silang pansinin, at huwag seryosohin ang mangmang na mga taong ito. Bakit ganoon? Ito ay dahil sa puso ng Diyos, hindi Niya kailanman binalak na tamuhin ang mga taong iyon na nangakong maging kagalit Niya hanggang sa pinakahuli at hindi kailanman nagbalak na hanapin ang daan ng pagiging kaayon Niya.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain
Iyong mga kay Satanas ay ibabalik kay Satanas, samantalang iyong mga hinirang ng Diyos ay tiyak na hahanapin ang katotohanan; natutukoy ito ng kanilang mga kalikasan. Hayaang mapahamak ang lahat ng sumusunod kay Satanas! Walang habag na ipapakita sa gayong mga tao. Hayaan iyong mga naghahanap sa katotohanan na matustusan, at nawa ay masiyahan sila sa salita ng Diyos hangga’t nais nila. Ang Diyos ay matuwid; hindi Siya magpapakita ng paboritismo kaninuman. Kung ikaw ay isang diyablo, wala kang kakayahang magsagawa ng katotohanan; kung ikaw ay isang tao na naghahanap sa katotohanan, tiyak na hindi ka mabibihag ni Satanas. Walang kaduda-duda iyan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan
Ang maliliit na panlalansi ng mga walang pagkilatis ay hahantong sa kanilang pagkawasak sa mga kamay ng masasamang tao, ililigaw sila ng mga ito, at hindi na makakabalik. At gayong pagtrato ang nararapat sa kanila, dahil hindi nila mahal ang katotohanan, dahil hindi nila kayang pumanig sa katotohanan, dahil sumusunod sila sa masasamang tao at pumapanig sa masasamang tao, at dahil nakikipagsabwatan sila sa masasamang tao at lumalaban sa Diyos. Alam na alam nila na ang ibinubunyag ng masasamang taong iyon ay kasamaan, subalit pinatitigas nila ang kanilang puso at tinatalikuran ang katotohanan upang sumunod sa mga ito. Hindi ba gumagawa ng kasamaan ang lahat ng taong ito na hindi nagsasagawa ng katotohanan kundi gumagawa ng nakakasira at karumal-dumal na mga bagay? Bagama’t mayroon sa kanila na naghahari-harian at sumusunod naman sa kanila ang iba, hindi ba’t pareho ang kalikasan nila ng paglaban sa Diyos? Ano ang ikakatwiran nila para sabihin na hindi sila inililigtas ng Diyos? Ano ang ikakatwiran nila para sabihin na hindi matuwid ang Diyos? Hindi ba ang sarili nilang kasamaan ang sumisira sa kanila? Hindi ba ang sarili nilang paghihimagsik ang humahatak sa kanila pababa sa impiyerno? Ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan, sa bandang huli, ay maliligtas at gagawing perpekto dahil sa katotohanan. Iyong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, sa bandang huli, ay maghahatid ng pagkawasak sa kanilang sarili dahil sa katotohanan. Ang mga ito ang mga kalalabasan na naghihintay sa mga nagsasagawa at hindi nagsasagawa ng katotohanan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan
Ang mga nagnanais na makamit ang buhay nang hindi umaasa sa katotohanang sinambit ni Cristo ang pinakakatawa-tawang mga tao sa mundo, at ang mga hindi tumatanggap sa daan ng buhay na dinala ni Cristo ay namumuhay sa pantasya. Kaya naman sinasabi Ko na kamumuhian ng Diyos magpakailanman ang mga taong hindi tumatanggap kay Cristo ng mga huling araw. Si Cristo ang pasukan ng tao patungo sa kaharian sa mga huling araw, at walang sinuman ang makakalampas sa Kanya. Kung hindi sa pamamagitan ni Cristo, walang magagawang perpekto ng Diyos. Nananampalataya ka sa Diyos, kaya dapat mong tanggapin ang Kanyang mga salita at dapat kang magpasakop sa Kanyang Salita. Huwag kang mag-isip lang na magkamit ng mga pagpapala habang hindi mo magawang tanggapin ang katotohanan at ang pagtustos ng buhay. Dumarating si Cristo sa mga huling araw upang mabigyan Niya ng buhay ang lahat ng sinserong nananampalataya sa Kanya. Alang-alang sa pagtatapos ng lumang kapanahunan at pagpasok sa bago kaya umiiral ang gawaing ito, at ang gawaing ito ang landas na dapat tahakin ng lahat ng papasok sa bagong kapanahunan. Kung hindi mo kinikilala si Cristo, at higit pa rito, ay kinokondena, nilalapastangan, o inuusig mo Siya, kung gayon ay nakatadhana kang masunog nang walang-hanggan at hindi ka kailanman makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ito ay dahil ang Cristong ito ang Mismong pagpapahayag ng Banal na Espiritu, ang pagpapahayag ng Diyos, ang Siyang pinagkatiwalaan ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain sa lupa at kaya naman sinasabi Ko na kung hindi mo magawang tanggapin ang lahat ng ginagawa ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay nilalapastangan mo ang Banal na Espiritu. Maliwanag sa lahat ang nararapat na ganting-parusa sa mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu. Sinasabi Ko rin sa iyo ito: Kung nilalabanan mo si Cristo ng mga huling araw, kung tinatanggihan mo si Cristo ng mga huling araw, wala nang iba pa ang makapagpapasan sa mga kahihinatnan nito para sa iyo. Higit pa rito, mula sa puntong iyon ay hindi ka na magkakaroon ng isa pang pagkakataong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos; kahit na gusto mong makabawi, hindi mo mapagmamasdang muli ang mukha ng Diyos. Ito ay dahil hindi isang tao ang nilalabanan mo, hindi isang di-mahalagang tao ang tinatanggihan mo, kundi si Cristo. Alam mo ba kung ano ang mga kahihinatnan nito? Hindi isang maliit na pagkakamali ang ginagawa mo, kundi isang karumal-dumal na kasalanan. Kaya naman pinapayuhan Ko ang bawat tao na huwag niyang ilabas ang kanyang mga pangil at kuko o huwag siyang magsabi ng mga walang batayang pamumuna sa harap ng katotohanan, dahil ang katotohanan lamang ang makapagdadala sa iyo ng buhay, at wala nang iba pa kundi ang katotohanan ang magbibigay-kakayahan sa iyo na muli kang isilang at mapagmasdan mong muli ang mukha ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan