1. Ang mga kalamidad ay madalas na nangyayari sa buong mundo, at lumalaki ang sukat ng mga ito, na nagpapahayag sa pagdating ng mga huling araw. Sinasabi ng Biblia, “Ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na” (1 Pedro 4:7). Alam natin na sa pagbabalik ng Panginoon sa mga huling araw ay gagantimpalaan Niya ang mabubuti at parurusahan ang masasama at tutukuyin ang mga kahihinatnan ng mga tao. Paano Niya gagantimpalaan ang mabubuti at parurusahan ang masasama, at paano Niya tutukuyin ang mga kahihinatnan ng mga tao?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay disposisyon ng pagkastigo at paghatol, kung saan ibinubunyag Niya ang lahat ng di-matuwid, hayagang hinahatulan ang di-mabilang na mga tao, at pineperpekto ang mga sinserong nagmamahal sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunan. Dumating na ang mga huling araw. Ang lahat ng bagay ay pinagbubukod-bukod ayon sa uri ng mga ito, at hinahati sa iba’t ibang kategorya ayon sa iba’t ibang katangian ng mga ito. Ito mismo ang panahon kung kailan ibinubunyag ng Diyos ang mga kalalabasan at hantungan ng mga tao. Kung hindi mararanasan ng mga tao ang pagkastigo at paghatol, hindi malalantad ang kanilang paghihimagsik at pagiging di-matuwid. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mabubunyag ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay. Ipinapakita lamang ng mga tao kung ano talaga sila kapag kinakastigo at hinahatulan sila. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang mga tao ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay ay mabubunyag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at ang di-mabilang na mga tao ay magpasailalim sa kapamahalaan ng Diyos. Ang lahat ng gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng mga tao at napakalala na ng kanilang paghihimagsik, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing kinapapalooban ng pagkastigo at paghatol at ibinubunyag sa mga huling araw, ang lubusang makapagbabago at makagagawang ganap sa mga tao, at makapagbubunyag sa kasamaan, at lahat ng hindi matuwid ay mapaparusahan nang matindi.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)
Sa diwa, ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagkastigo at paghatol upang dalisayin ang sangkatauhan, at alang-alang sa huling araw ng pamamahinga; kung hindi, walang mga miyembro ng sangkatauhan ang mabubukod-bukod ayon sa kanilang uri, o makakapasok sa kapahingahan. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa kapahingahan. Tanging ang gawain ng pagdadalisay ng Diyos ang maglilinis sa kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang maglalantad sa mga mapaghimagsik na bahagi ng sangkatauhan, at sa gayon ay matutukoy kung sino ang mga puwede at di-puwedeng maligtas, at ang mga maaari at hindi maaaring manatili. Kapag natapos na ang gawaing ito, ang lahat ng taong maaaring manatili ay dadalisayin at papasok sa isang mas mataas na mundo ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay ng tao sa lupa; sa madaling salita, papasok sila sa araw ng pamamahinga ng sangkatauhan at mamumuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi maaaring manatili, ang kanilang mga tunay na kulay ay ganap na mailalantad, pagkatapos nito ay lilipulin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na kabibilangan ng sinumang mga tao na ganito ang uri; hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pamamahinga ang ganitong mga tao, at hindi rin sila angkop na pumasok sa araw ng pamamahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng sangkatauhan, dahil sila ang mga target na maparusahan, at sila ay masasama, hindi matutuwid na tao. Tinubos sila nang minsan, at hinatulan at kinastigo na rin sila; minsan din silang nagtrabaho para sa Diyos. Gayumpaman, pagdating ng huling araw, ititiwalag at lilipulin pa rin sila dahil sa kasamaan nila at bilang bunga ng kanilang paghihimagsik at kawalan ng lunas; hindi na sila kailanman muling mabubuhay sa mundo ng hinaharap, at hindi na mabubuhay kasama ang lahi ng tao sa hinaharap. Mga espiritu man sila ng mga patay o mga taong nabubuhay pa rin sa laman, lilipulin ang lahat ng taong gumagawa ng masama at ang lahat ng hindi nailigtas sa sandaling ang ginawang banal sa gitna ng sangkatauhan ay pumasok na sa pamamahinga. Para naman sa mga espiritu at tao na ito na gumagawa ng masama, o mga espiritu ng matutuwid na tao at mga gumagawa ng katuwiran, anuman ang kinabibilangan nilang panahon, sa huli, ang lahat ng masama ay lilipulin, at ang lahat ng matuwid ay mananatiling buhay. Kung makatatanggap ba ng kaligtasan ang isang tao o espiritu ay hindi ganap na pinagpapasyahan batay sa gawain ng huling kapanahunan; sa halip, tinutukoy ito batay sa kung sila ba ay lumaban o naghimagsik sa Diyos o hindi. Ang mga tao sa nakaraang panahon na gumawa ng masama at hindi maliligtas ay tiyak na magiging mga target ng kaparusahan, at ang mga nasa kasalukuyang panahon na gumagawa ng masama at hindi maililigtas ay tiyak na magiging mga target din ng kaparusahan. Ang mga tao ay inuuri ayon sa kabutihan at kasamaan, at hindi sa kung anong panahon sila nabubuhay. Kapag nauri na nang gayon, hindi sila agarang parurusahan o gagantimpalaan; sa halip, isasakatuparan lamang ng Diyos ang gawain Niya ng pagpaparusa sa masasama at paggantimpala sa mabubuti kapag natapos na Niyang maisakatuparan ang gawain Niya ng paglupig sa mga huling araw. Sa katunayan, pinaghihiwalay na Niya ang mabubuti at masasamang tao mula pa nang simulan Niyang gawin ang gawain Niya ng pagliligtas sa sangkatauhan. Iyon nga lamang, gagantimpalaan Niya ang matutuwid at parurusahan ang masasama sa oras lamang na matapos Niya ang Kanyang gawain; hindi sa paghihiwalayin Niya sila ayon sa uri pagkaraang matapos ang Kanyang gawain at pagkatapos ay agarang sisimulan ang gampanin ng pagpaparusa sa masasama at paggantimpala sa mabubuti. Sa halip, ang gampaning ito ay gagawin lamang kapag ganap nang natapos ang Kanyang gawain. Ang tanging layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masasama at paggantimpala sa mabubuti ay ang lubusang madalisay ang lahat ng tao upang madala Niya ang isang ganap na pinabanal na sangkatauhan sa walang hanggang kapahingahan. Ang yugtong ito ng Kanyang gawain ang pinakamahalaga; ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang gawain ng pamamahala. Kung hindi lilipulin ng Diyos ang masasama, at sa halip ay papayagan silang manatili, hindi pa rin makakapasok sa kapahingahan ang buong sangkatauhan, at hindi sila madadala ng Diyos sa isang mas kamangha-manghang mundo. Hindi ganap na matatapos ang ganitong uri ng gawain. Kapag natapos na ang gawain Niya, magiging ganap na pinabanal ang buong sangkatauhan; sa ganitong paraan lamang mapayapang makakapamuhay ang Diyos sa kapahingahan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga
Ngayon ang panahon na itinatakda Ko ang kalalabasan ng bawat tao, hindi ang yugto na sinimulan Kong gawaan ang tao. Isinusulat Ko sa Aking talaang aklat, isa-isa, ang mga salita at kilos ng bawat tao, ang kanyang landas sa pagsunod sa Akin, ang kanyang likas na klasipikasyon, at ang kanyang mga pagpapamalas sa huli. Sa ganitong paraan, anumang uri ng tao sila, walang sinumang makatatakas sa kamay Ko, at ang lahat ay mabubukod-bukod ayon sa kanilang uri batay sa Aking pagtatalaga. Itinatakda Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, senyoridad, o dami ng pagdurusa, lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito. Dapat ninyong maunawaan na parurusahan ang lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos nang walang eksepsiyon. Isa itong bagay na hindi mababago ng sinumang tao. Samakatwid, lahat ng pinarurusahan ay pinarurusahan dahil sa katuwiran ng Diyos at bilang ganting-parusa sa kanilang maraming masasamang gawa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan
Bago pumasok sa pamamahinga ang sangkatauhan, matutukoy kung parurusahan o gagantimpalaan ang bawat uri ng tao ayon sa kung hinahanap ba nila ang katotohanan, kung kilala ba nila ang Diyos, at kung kaya ba nilang magpasakop sa nakikitang Diyos. Hindi nagtataglay ng katotohanan yaong mga nagtrabaho, subalit hindi nila nakikilala ang nakikitang Diyos o hindi sila nagpapasakop sa Kanya. Mga taong gumagawa ng masama ang gayong mga tao, at walang alinlangang magiging mga pakay ng kaparusahan ang mga taong gumagawa ng masama; higit pa rito, parurusahan sila ayon sa kanilang masasamang gawa. Ang Diyos ay para sampalatayaan ng mga tao, at karapat-dapat din Siya sa kanilang pagpapasakop. Ang mga may pananalig lang sa malabo at di-nakikitang diyos ay mga taong hindi nananampalataya sa Diyos at hindi magawang magpasakop sa Diyos. Kung hindi pa rin magagawang manampalataya ng mga taong ito sa nakikitang Diyos sa oras na matapos ang gawain Niya ng panlulupig, at magpapatuloy pa rin sila sa paghihimagsik at paglaban sa nakikitang Diyos na nasa katawang-tao, walang alinlangan na ang “mga tagasunod ng malabong diyos” na ito ay magiging mga pakay ng paglipol. Katulad din ito sa inyo—ang lahat ng pasalitang kumikilala sa Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi maisagawa ang katotohanan ng pagpapasakop sa Diyos na nagkatawang-tao, ay ititiwalag at lilipulin sa huli. At ang lahat ng pasalitang kumikilala sa nakikitang Diyos at kumakain at umiinom ng katotohanang ipinapahayag Niya, pero naghahangad sa malabo at di-nakikitang diyos, ay lalong magiging mga pakay ng paglipol. Wala sa mga taong ito ang magagawang manatili hanggang sa oras ng pamamahinga na darating kapag natapos na ang gawain ng Diyos, at hindi rin makakapanatili ang isang indibidwal na gaya nito hanggang sa oras na iyon ng pamamahinga. Ang mga tao na sa mga demonyo ay hindi nagsasagawa ng katotohanan; diwa ng paglaban at paghihimagsik sa Diyos ang diwa nila, at wala silang ni katiting na intensyon na magpasakop sa Kanya. Lilipulin ang lahat ng gayong tao. Nakasalalay sa iyong diwa, hindi sa iyong hitsura o kung paano ka magsalita o kumilos paminsan-minsan, kung taglay mo ba ang katotohanan at kung lumalaban ka ba sa Diyos. Natutukoy sa diwa ng isang indibidwal kung siya ba ay lilipulin o hindi; pinagpapasyahan ito ayon sa diwang ibinubunyag ng kanyang pag-uugali at paghahangad sa katotohanan. Sa gitna ng mga tao na pawang gumagampan ng gawain at gumagawa ng parehas na dami ng gawain, ang may mabubuting diwa ng pagkatao na nagtataglay ng katotohanan ang siyang mga papayagang manatili, samantalang ang may masasamang diwa ng pagkatao na naghihimagsik laban sa nakikitang Diyos ang siyang masasawi.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga
Nakabatay sa kanilang pag-uugali ang pamantayang ginagamit ng mga tao sa paghusga ng ibang mga tao; iyong may mabubuting pag-uugali ay matutuwid, samantalang iyong mga may karumal-dumal na pag-uugali ay masasama. Ang pamantayan ng Diyos sa paghatol sa mga tao ay batay sa kung nagpapasakop ba sa Kanya o hindi ang kanilang diwa; ang nagpapasakop sa Diyos ay matuwid na tao, samantalang ang hindi nagpapasakop ay isang kaaway at isang masamang tao, mabuti man o masama ang pag-uugali ng taong ito at tama man o mali ang kanyang pananalita. Nais ng ilang tao na gumamit ng mabubuting gawa para magtamo ng magandang hantungan sa hinaharap, at nais ng ilang tao na gumamit ng magagandang salita upang makakuha ng magandang hantungan. Maling naniniwala ang lahat na itinatakda ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao batay sa kanilang pag-uugali o sa kanilang pananalita; kaya maraming tao ang nagnanais na samantalahin ito upang makakuha ng panandaliang biyaya sa pamamagitan ng panlilinlang para sa kanilang sarili. Ang mga taong mananatiling buhay sa darating na panahon ng kapahingahan ay lahat nakapagtiis na sa araw ng pagdurusa at nakapagpatotoo na sa Diyos; lahat sila ay magiging mga tao na tumupad nang maayos sa kanilang mga tungkulin at na sadyang nagpasakop sa Diyos. Iyong mga nais lamang gamitin ang pagkakataon na makapagserbisyo para maiwasan ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi mananatili. May mga naaangkop na pamantayan ang Diyos para sa pagsasaayos ng kalalabasan ng bawat indibidwal; hindi Siya basta lang gumagawa ng mga kapasyahang ito ayon sa mga salita at asal ng isang tao, at hindi rin Niya ginagawa ang mga ito batay sa kung paano kumikilos ang isang tao sa isang yugto ng panahon. Hinding-hindi Siya magiging maluwag pagdating sa lahat ng masamang gawa ng isang tao dahil sa nakaraang pagseserbisyo nito sa Kanya, at hindi rin Niya ililigtas ang isang tao mula sa kamatayan dahil iginugol nito ang sarili nito para sa Kanya sa ilang panahon. Walang sinuman ang makaiiwas sa retribusyon para sa kanyang kasamaan, at walang sinuman ang makakapagkubli ng kanyang masasamang gawa at sa gayon ay makaiiwas sa pagdurusa ng pagkasawi. Kung tunay na kayang tuparin nang maayos ng mga tao ang sarili nilang mga tungkulin, nangangahulugan ito na walang hanggan silang tapat sa Diyos at hindi sila naghahanap ng mga pabuya, tumatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Kung tapat sa Diyos ang mga tao kapag nakakakita sila ng mga pagpapala, ngunit nawawala ang kanilang katapatan kapag hindi sila nakakakita ng anumang pagpapala, at kung ang mga taong ito—na minsang nagtrabaho nang tapat para sa Diyos—ay hindi pa rin makapagpatotoo sa Diyos o makatupad nang maayos ng mga tungkuling nakaatang sa kanila sa huli, kung gayon, masasawi pa rin ang gayong mga tao. Sa madaling salita, hindi makakapanatiling buhay magpakailanman ang masasamang tao, at hindi rin sila makapapasok sa kapahingahan; tanging ang matutuwid ang magiging mga panginoon sa kapahingahan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga
Kung tatanggap ba ng mga pagpapala ang isang tao o magdurusa ng kapahamakan ay natutukoy ayon sa diwa ng isang tao, hindi ayon sa anumang diwang maaaring mayroon ang isang tao na kagaya ng sa iba. Walang puwang sa kaharian ang ganoong uri ng kasabihan o panuntunan. Kung sa huli ay magagawa ng isang tao na manatiling buhay, ito ay dahil natugunan niya ang mga hinihingi ng Diyos, at kung sa huli ay hindi niya magagawang manatili hanggang sa oras ng pamamahinga, ito ay dahil naging mapaghimagsik siya sa Diyos at hindi niya natugunan ang mga hinihingi ng Diyos. May angkop na hantungan ang lahat, na natutukoy ayon sa diwa ng bawat indibidwal, at ganap na wala itong kinalaman sa ibang mga tao. Ang masasamang gawa ng isang anak ay hindi maililipat sa kanyang mga magulang, at hindi rin maibabahagi sa mga magulang ang pagiging matuwid ng isang anak. Hindi maililipat sa kanyang mga anak ang masasamang gawa ng isang magulang, at hindi rin maibabahagi sa kanyang mga anak ang pagiging matuwid ng isang magulang. Pinapasan ng lahat ang kani-kanilang mga kasalanan, at tinatamasa ng lahat ang kani-kanilang mga pagpapala. Walang sinuman ang maaaring maging panghalili sa isa pang tao. Ito ang pagiging matuwid. Sa pananaw ng tao, kung tumatanggap ng mga pagpapala ang mga magulang, kung gayon ay makatatanggap din ang kanilang mga anak, at kung gumagawa ng masama ang mga anak, dapat magbayad-sala ang kanilang mga magulang para sa mga kasalanang iyon. Isa itong perspektiba ng tao at isang paraan ng tao sa paggawa ng mga bagay-bagay; hindi ito perspektiba ng Diyos. Natutukoy ang kalalabasan ng lahat ayon sa diwa ng kanilang mga gawa, at palagi itong angkop na natutukoy. Walang sinumang maaaring magpasan ng mga kasalanan ng iba; higit pa rito, walang sinumang maaaring tumanggap ng kaparusahan para sa iba. Ito ay walang pasubali. Ang mapagmahal na pag-aaruga ng isang magulang sa kanyang mga anak ay hindi nangangahulugan na maaari siyang gumampan ng matutuwid na gawa bilang kahalili ng kanyang mga anak, at ang pagiging mabuting anak ng isang anak sa kanyang mga magulang ay hindi rin nangangahulugan na maaari siyang gumampan ng matutuwid na gawa bilang kahalili ng kanyang mga magulang. Ito ang tunay na kahulugan ng mga salitang, “Kung magkagayo’y sasa bukid ang dalawang lalaki; ang isa’y kukunin, at ang isa’y iiwan. Dalawang babaeng nagsisigiling sa isang gilingan; ang isa’y kukunin, at ang isa’y iiwan.” Hindi madadala ng mga tao sa pamamahinga ang mga anak nilang gumagawa ng masama batay sa malalim nilang pagmamahal sa mga ito, at hindi rin madadala ng sinuman sa pamamahinga ang kanyang asawa batay sa sarili niyang matutuwid na gawa. Isa itong administratibong panuntunan; hindi maaaring magkaroon ng mga pagtatangi para sa sinuman. Ang mga gumagawa ng matutuwid na gawa, sa huli, ay mga gumagawa ng matutuwid na gawa, at ang mga taong gumagawa ng masama, sa huli, ay mga taong gumagawa ng masama. Magagawa ng mga gumagawa ng matutuwid na gawa na manatiling buhay sa huli, samantalang masasawi naman ang mga taong gumagawa ng masama. Ang mga banal ay mga banal; hindi sila marumi. Ang marurumi ay marurumi, at walang isa mang bahagi nila ang banal. Ang mga taong lilipulin ay ang lahat ng masasama, at ang mga mananatiling buhay ay ang lahat ng matutuwid—kahit pa ang mga anak ng masasama ay gumagawa ng matutuwid na gawa, at kahit pa ang mga magulang ng matutuwid ay gumagawa ng masasamang gawa. Walang likas na ugnayan sa pagitan ng isang nananampalatayang esposo at ng isang di-nananampalatayang esposa, at walang ugnayan sa pagitan ng mga nananampalatayang anak at mga di-nananampalatayang magulang; hindi magkaayon ang dalawang uring ito ng mga tao. Bago pumasok sa pamamahinga, ang mga tao ay may makalamang pagmamahal sa pamilya, ngunit sa sandaling pumasok sila sa pamamahinga, wala nang magiging anumang makalamang pagmamahal sa pamilya. Yaong mga gumagawa ng kanilang tungkulin ay likas na mga kaaway ng yaong mga hindi gumagawa ng kanilang tungkulin; yaong mga nagmamahal sa Diyos at yaong mga namumuhi sa Kanya ay likas na magkasalungat sa isa’t isa. Yaong mga papasok sa pamamahinga at yaong mga malilipol ay dalawang di-magkaayong uri ng mga nilikha. Ang mga nilikha na gumagampan sa kanilang mga tungkulin ay makakapagpatuloy na mabuhay, habang yaong mga hindi gumagampan sa kanilang mga tungkulin ay magiging mga pakay ng paglipol; higit pa rito, magtatagal ito magpasawalang hanggan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga
Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung nauunawaan mo na, ipinapayo Ko na masunurin kang magpasakop sa pagkahatol, kung hindi ay hindi ka magkakaroon ng pagkakataon kailanman na masang-ayunan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Iyong mga tumatanggap lamang ng paghatol ngunit hindi kailanman maaaring madalisay, na ibig sabihin, iyong mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay itataboy ng Diyos magpakailanman. Ang kanilang mga kasalanan ay mas malubha, at mas marami kaysa sa mga kasalanan ng mga Pariseo, sapagkat ipinagkanulo nila ang Diyos at sila ay mga rebelde laban sa Diyos. Ang mga taong ito na hindi man lang karapat-dapat na magtrabaho ay tatanggap ng mas mabigat na kaparusahan, ng isang kaparusahan na bukod pa rito ay magpasawalang hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subalit ipinagkanulo Siya pagkatapos. Ang mga gayong tao ay gagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba’t ito mismo ay isang pagbubunyag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba’t ito mismo ang layunin ng Diyos sa paghatol at pagbubunyag sa tao? Ipinapatapon ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng lahat ng uri ng masasamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng masasamang espiritu, at hinahayaan Niya ang masasamang espiritung iyon na wasakin ang kanilang katawang laman ayon sa gusto ng mga ito, at ang katawan ng mga taong ito ay mangangamoy bangkay. Iyon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos ang bawat isa sa mga kasalanan ng mga yaong hindi tapat at huwad na mananampalataya, huwad na apostol, at huwad na manggagawa sa kanilang mga talaan, at sa tamang panahon, itinatapon Niya sila sa gitna ng maruruming espiritu, at hinahayaan ang maruruming espiritung iyon na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa gusto ng mga ito, at idinudulot na hindi na sila magreinkarnasyon muli kailanman at hindi na nila makitang muli ang liwanag kailanman. Ibinibilang ng Diyos sa masasama iyong mga mapagpaimbabaw na nagseserbisyo nang ilang panahon pero hindi nananatiling tapat hanggang sa huli, hinahayaan ang mga ito na malugmok kasama ang masasamang tao at bumuo ng isang grupo ng iba’t ibang masasamang loob, at sa huli, pupuksain sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos ang mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o hindi kailanman nag-ambag ng kanilang lakas, at pupuksain Niya silang lahat sa pagbabago ng kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, at lalong hindi sila makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ibinibilang ng Diyos sa mga nagseserbisyo para sa mga tao Niya ang sinumang hindi kailanman naging sinsero sa Diyos, ngunit wala nang ibang mapagpipilian kundi ang pabasta-bastang harapin Siya. Iilan lamang sa mga taong iyon ang mananatiling buhay, samantalang ang karamihan ay lilipulin, kasama na ang mga taong ang pagtatrabaho ay hindi man lang pasok sa pamantayan. Sa huli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian ang lahat ng tao na kaisa sa puso at isipan ng Diyos, ang mga tao at ang mga anak ng Diyos, at ang mga paunang itinadhana ng Diyos na maging mga pari. Sila ang kristalisasyon ng gawain ng Diyos. Iyon namang mga hindi maikaklasipika sa anumang kategoryang itinakda ng Diyos, ibibilang sila sa hanay ng mga walang pananampalataya, at tiyak na maiisip ninyo kung ano ang kanilang kalalabasan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; ang landas na inyong pipiliin ay inyong sariling desisyon lamang. Ang dapat ninyong maunawaan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay sa sinumang taong hindi nakakasabay sa Kanya, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng awa sa sinumang tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan