7. Sinasabi mo na ang Panginoong Jesus ay bumalik sa katawang-tao, sa anyo ng isang taong Tsino. Hindi namin matatanggap iyon. Ayon sa nakasulat sa Biblia, ang Panginoong Jesus ay umalis sa anyo ng isang Hudyo, kaya naniniwala kami na kapag ang Panginoon ay bumalik sa mga huling araw, dapat ay nasa anyo rin ito ng isang Judio. Paanong dumating Siya sa anyo ng isang taong Tsino?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Yamang ang Diyos ang pinakadakila sa buong sansinukob at sa ibabaw nito, lubos ba Niyang maipaliliwanag ang Kanyang Sarili gamit ang anyo ng isang katawang-tao? Ibinihis ng Diyos sa Kanyang Sarili ang katawang-taong ito para gawin ang isang yugto ng Kanyang gawain. Walang partikular na kahulugan sa anyong ito ng katawang-tao, wala itong kaugnayan sa paglipas ng mga kapanahunan, ni wala ring anumang kinalaman sa disposisyon ng Diyos. Bakit hindi hinayaan ni Jesus na manatili ang Kanyang larawan? Bakit hindi Niya hinayaan ang tao na iguhit ang Kanyang larawan para ito ay maipasa sa susunod na mga salinlahi? Bakit hindi Niya pinahintulutan ang mga tao na kilalanin na ang Kanyang wangis ay ang wangis ng Diyos? Bagama’t ang larawan ng tao ay nilikha sa wangis ng Diyos, magiging posible bang katawanin ng anyo ng tao ang matayog na wangis ng Diyos? Kapag ang Diyos ay nagkakatawang-tao, bumababa lamang Siya mula sa langit patungo sa isang partikular na katawang-tao. Ang Kanyang Espiritu ang bumababa sa isang katawang-tao, sa pamamagitan nito Niya ginagawa ang gawain ng Espiritu. Ang Espiritu ang ipinapahayag sa katawang-tao, at ang Espiritu ang gumagawa ng Kanyang gawain sa katawang-tao. Lubos na kinakatawan ng gawaing ginawa sa katawang-tao ang Espiritu, at ang katawang-tao ay para sa kapakanan ng gawain, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ang larawan ng katawang-tao ay maaaring ipalit sa tunay na wangis ng Diyos Mismo; hindi ito ang layon o kahalagahan ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Siya ay nagiging tao para lamang magkaroon ang Espiritu ng isang lugar na matitirhan na angkop sa Kanyang paggawa, nang sa gayon ay matamo Niya ang Kanyang gawain sa katawang-tao, at upang makita ng mga tao ang Kanyang mga gawa, maunawaan ang Kanyang disposisyon, mapakinggan ang Kanyang mga salita, at malaman ang pagiging kahanga-kahanga ng Kanyang gawain. Kinakatawan ng Kanyang pangalan ang Kanyang disposisyon, kinakatawan ng Kanyang gawain ang Kanyang pagkakakilanlan, ngunit hindi Niya kailanman sinabi na kinakatawan ng Kanyang anyo sa katawang-tao ang Kanyang wangis; iyon ay isa lamang kuru-kuro ng tao. Kung kaya, ang pinakamahahalagang aspekto ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay ang Kanyang pangalan, ang Kanyang gawain, ang Kanyang disposisyon, at ang Kanyang kasarian. Ginagamit ang mga ito upang kumatawan sa Kanyang pamamahala sa kapanahunang ito. Ang Kanyang anyo sa katawang-tao ay walang kinalaman sa Kanyang pamamahala, at para lamang sa kapakanan ng Kanyang gawain sa panahong iyon. Ngunit imposible para sa Diyos na nagkatawang-tao na hindi magkaroon ng partikular na anyo, at kaya pinipili Niya ang angkop na pamilya upang pagpasyahan ang Kanyang anyo. Kung ang anyo ng Diyos ay mayroong kinatawang kabuluhan, ang lahat ng nagtataglay ng mga balanseng katangian ng mukha na kapareho ng sa Kanya ay kakatawan din sa Diyos. Hindi ba iyon isang napakalaking pagkakamali? Ang larawan ni Jesus ay iginuhit ng tao upang ang tao ay maaaring sumamba sa Kanya. Sa panahong iyon, walang natatanging mga tagubilin na ibinigay ang Banal na Espiritu, at kaya ipinasa ng tao ang naguni-guning larawang iyon hanggang sa kasalukuyan. Sa katunayan, alinsunod sa orihinal na layunin ng Diyos, hindi ito dapat ginawa ng tao. Tanging ang sigasig ng tao ang naging sanhi na manatili ang larawan ni Jesus hanggang sa kasalukuyan. Ang Diyos ay Espiritu, at hindi kailanman magagawa ng tao na ibuod ang Kanyang eksaktong wangis. Ang Kanyang wangis ay maaari lamang katawanin ng Kanyang disposisyon. Hindi mo magagawang ibuod ang anyo ng Kanyang ilong, ng Kanyang bibig, ng Kanyang mga mata, at ng Kanyang buhok. Nang dumating ang paghahayag kay Juan, nakita niya ang wangis ng Anak ng tao: Mula sa Kanyang bibig ay may isang matalas na espada na mayroong magkabilang talim, ang Kanyang mga mata ay kagaya ng ningas ng apoy, ang Kanyang ulo at buhok ay puting kagaya ng lana, ang Kanyang mga paa ay parang pinakintab na tanso, at mayroong isang ginintuang pamabat na nakapalibot sa Kanyang dibdib. Bagama’t ang kanyang mga salita ay napakatingkad, ang wangis ng Diyos na kanyang inilarawan ay hindi ang larawan ng isang nilikha. Ang kanyang nakita ay isang pangitain lamang, at hindi ang larawan ng isang tao mula sa materyal na mundo. Si Juan ay nakakita ng isang pangitain, ngunit hindi niya nakita ang tunay na hitsura ng Diyos. Ang wangis ng nagkatawang-taong laman ng Diyos, yamang larawan ng isang nilikha, ay walang kakayahan na kumatawan sa disposisyon ng Diyos sa kabuuan nito. Nang nilikha ni Jehova ang sangkatauhan, Kanyang sinabi na Kanyang ginawa ito sa Kanyang wangis at nilikha ang lalaki at babae. Sa panahong iyon, Kanyang sinabi na Kanyang ginawa ang lalaki at babae sa wangis ng Diyos. Bagama’t ang larawan ng tao ay nakakahawig ng wangis ng Diyos, hindi ito maaaring ipakahulugan na ang anyo ng tao ay ang wangis ng Diyos. Hindi mo rin maaaring gamitin ang wika ng sangkatauhan upang ganap na ibuod ang wangis ng Diyos, sapagkat ang Diyos ay napakatayog, napakadakila, napakakamangha-mangha at hindi maarok!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)
Kinakailangang umalis sa daigdig ang laman ng nagkatawang-taong Diyos kapag nakompleto na ang gawain na kailangan Niyang gawin, sapagkat dumarating lamang Siya upang kompletuhin ang gawain na dapat Niyang gawin, at hindi upang ipamalas sa mga tao ang Kanyang wangis. Kahit na ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ay natupad na sa pamamagitan ng dalawang beses na pagiging tao ng Diyos, hindi pa rin Niya lantarang ipapakita ang Kanyang sarili sa anumang bayan na hindi pa nakakakita sa Kanya kailanman. Hindi na kailanman muling ipapakita ni Jesus ang Kanyang sarili sa mga Hudyo bilang ang Araw ng katuwiran, at hindi na rin Siya tatayo sa tuktok ng Bundok ng mga Olibo at magpapakita ng Kanyang sarili sa di-mabilang na mga tao; ang nakita lamang ng mga Hudyo ay ang larawan ni Jesus sa Kanyang panahon sa Judea. Ito ay dahil ang gawain ni Jesus sa Kanyang pagkakatawang-tao ay natapos na dalawang libong taon na ang nakakaraan; hindi Siya babalik sa Judea sa wangis ng isang Hudyo, lalo nang hindi Niya ipapakita ang Kanyang sarili sa wangis ng isang Hudyo sa alinman sa mga bayan ng Hentil, sapagkat ang wangis ni Jesus na nagkatawang-tao ay ang wangis lamang ng isang Hudyo, at hindi ang wangis ng Anak ng tao na nakita ni Juan. Bagama’t ipinangako ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod na Siya ay muling darating, hindi Niya basta ipapakita ang Kanyang sarili sa wangis ng isang Hudyo sa lahat ng nasa mga bayan ng Hentil. Dapat ninyong malaman na ang gawain ng Diyos na naging tao ay ang magbukas ng isang kapanahunan. Ang gawaing ito ay limitado sa loob ng ilang taon, at hindi Niya matatapos ang lahat ng gawain ng Espiritu ng Diyos, kapareho ng kung paanong ang wangis ni Jesus bilang isang Hudyo ay maaari lamang kumatawan sa wangis ng Diyos noong gumawa Siya sa Judea, at ang maaari lamang Niyang gawin ay ang gawain ng pagpapapako sa krus. Noong panahon na si Jesus ay nagkatawang-tao, hindi Niya kayang gawin ang gawain ng paghahatid ng kapanahunan sa isang katapusan o paglipol sa sangkatauhan. Samakatwid, pagkatapos Niyang maipako sa krus at matapos ang Kanyang gawain, umakyat Siya sa kaitaasan at ikinubli ang Kanyang sarili mula sa tao magpakailanman. Mula noon, ang mga tapat na mananampalataya sa mga bayan ng Hentil ay hindi nakakita ng pagpapakita ng Panginoong Jesus, at nakita lamang ang larawan Niya na idinikit nila sa pader. Ang larawan na ito ay isa lamang guhit ng tao, at hindi ang wangis na ipinapakita ng Diyos Mismo sa tao. Hindi lantarang ipapakita ng Diyos ang Kanyang sarili sa di-mabilang na mga tao sa mga wangis ng Kanyang dalawang pagkakatawang-tao. Ang gawaing ginagawa Niya sa gitna ng sangkatauhan ay ang tulutan silang maunawaan ang Kanyang disposisyon. Itong lahat ay ipinapamalas sa tao sa pamamagitan ng gawain ng iba’t ibang kapanahunan; natutupad ito sa pamamagitan ng disposisyon na ipinaalam Niya at ng gawaing Kanyang isinakatuparan, sa halip na sa pamamagitan ng pagpapakita ni Jesus. Ibig sabihin, ang wangis ng Diyos ay ipinapaalam sa tao hindi sa pamamagitan ng nagkatawang-taong wangis, kundi sa pamamagitan ng gawain na isinagawa ng Diyos na nagkatawang-tao na may kapwa wangis at anyo; at sa pamamagitan ng Kanyang gawain, ang Kanyang wangis ay ipinapamalas at ang Kanyang disposisyon ay ipinapaalam. Ito ang kabuluhan ng gawain na nais Niyang gawin sa katawang-tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (2)
Kami ni Jesus ay nagmumula sa iisang Espiritu. Bagama’t wala Kaming kaugnayan sa Aming katawang-tao, iisa ang Aming Espiritu; bagama’t ang nilalaman ng Aming ginagawa at ang gawaing Aming inaako ay hindi magkapareho, ang Aming diwa ay iisa; ang Aming katawang-tao ay magkaiba ang anyo, ngunit dahil ito sa pagbabago sa kapanahunan at sa magkakaibang mga kinakailangan ng Aming gawain; hindi magkapareho ang Aming ministeryo, kaya magkaiba rin ang gawaing hatid Namin at ang disposisyong ibinubunyag Namin sa tao. Kaya nga ang nakikita at nauunawaan ng tao sa araw na ito ay hindi katulad noong araw, na dahil sa pagbabago sa kapanahunan. Kahit na magkaiba Sila sa kasarian at sa anyo ng Kanilang katawang-tao, at hindi Sila isinilang sa iisang pamilya, at lalo nang hindi sa iisang panahon, magkagayunman ay iisa ang Kanilang Espiritu. Kahit na ang Kanilang mga katawang-tao ay hindi magkapareho ang dugo ni ang anumang uri ng pisikal na pagiging magkamag-anak, hindi maikakaila na Sila ay mga nagkatawang-taong laman ng Diyos sa dalawang magkaibang panahon. Hindi mapabubulaanan ang katunayan na Sila ang mga nagkatawang-taong laman ng Diyos. Subalit, hindi Sila magkadugo at magkaiba ang Kanilang wika. (Ang isa ay lalaki na nagsasalita ng wika ng mga Hudyo at ang isa naman ay babae na nagsasalita lamang ng Tsino.) Ito ang mga dahilan kaya Sila namuhay sa magkaibang bansa upang gawin ang gawaing kinakailangang gawin ng bawat isa, at sa magkaibang panahon din. Sa kabila ng katunayan na Sila ay may iisang Espiritu—na ibig sabihin, may magkaparehong diwa—walang ganap na mga pagkakatulad sa pagitan ng mga panlabas na anyo ng Kanilang katawang-tao. Magkatulad lamang Sila sa pagkatao, ngunit pagdating sa panlabas na hitsura ng Kanilang mga katawang-tao at ng sitwasyon ng Kanilang kapanganakan, hindi Sila magkatulad. Walang epekto ang mga bagay na ito sa kanya-kanyang gawain Nila o sa pagkakilala ng tao tungkol sa Kanila, sapagkat, sa huli, may iisa Silang Espiritu at walang makapaghihiwalay sa Kanila. Bagama’t hindi Sila magkadugo, ang Kanilang buong katauhan ay nasa pamamahala ng Kanilang Espiritu, na nagbibigay-kakayahan sa Kanila na magpasan ng magkaibang gawain sa magkaibang panahon, at ang Kanilang mga katawang-tao ay sa magkaibang mga angkan. Halimbawa, ang Espiritu ni Jehova ay hindi ang ama ng Espiritu ni Jesus, at ang Espiritu ni Jesus ay hindi ang anak ng Espiritu ni Jehova: Sila ay iisang Espiritu. Gayundin, ang Diyos na nagkatawang-tao ng ngayon at si Jesus ay hindi magkadugo, pero iisa Sila—ito ay dahil iisa ang Kanilang Espiritu.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kinokompleto ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao
Hindi mahirap na suriin ang gayong bagay, ngunit kinakailangan nito na malaman muna ng bawat isa sa atin ang katotohanang ito: Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, dinadala Niya ang gawaing nilalayon Niyang gawin, at dahil Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, ipinapahayag Niya kung ano Siya, at nagagawa Niyang ihatid sa tao ang katotohanan, pagkalooban ito ng buhay, at ituro dito ang daan. Ang laman na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung nilalayon ng tao na suriin kung ito ba ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, kailangan itong tukuyin ng tao mula sa disposisyon na ipinapahayag ng Diyos at sa mga salitang sinasambit ng Diyos. Ibig sabihin, para matukoy kung ito nga ba ang nagkatawang-taong laman ng Diyos o hindi, at kung ito nga ba ang tunay na daan o hindi, kailangang makilala ang kaibhan batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, ang susi sa kung ito ba o hindi ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay nakasalalay sa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga salita, Kanyang disposisyon, at marami pang ibang aspekto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung sinusuri ng tao ang panlabas na anyo lamang ng Diyos, at dahil dito ay hindi niya napapansin ang diwa ng Diyos, ipinapakita nito na ang tao ay hangal at mangmang. Hindi matutukoy ng panlabas na anyo ang diwa; bukod pa riyan, ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman maaaring umayon sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi ba’t ang panlabas na anyo ni Jesus ay salungat sa mga kuru-kuro ng tao? Hindi ba’t ang Kanyang hitsura at pananamit ay hindi nakapagpakita ng Kanyang tunay na pagkakakilanlan? Hindi ba’t tinutulan ng mga Pariseo noon si Jesus dahil mismo sa tiningnan lamang nila ang Kanyang panlabas na anyo, at hindi nila maingat na tinanggap ang mga salita mula sa Kanyang bibig? Inaasahan Ko na ang bawat isang kapatid na naghahanap sa pagpapakita ng Diyos ay hindi na uulitin ang trahedya ng kasaysayan, at hindi magiging isang Pariseo ng makabagong panahon at muling magpapako sa Diyos sa krus. Dapat ninyong pag-isipan nang mabuti kung paano sasalubungin ang pagbabalik ng Diyos, at dapat kayong magkaroon ng malinaw na isipan kung paano maging isang taong nagpapasakop sa katotohanan. Ito ang responsabilidad ng bawat isang naghihintay na bumalik si Jesus na sakay ng ulap.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita