1. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos at pakikinig sa mga pagbabahagi at patotoo ng mga kapatid, natiyak kong ang Makapangyarihang Diyos ay ang pagbabalik ng Panginoong Jesus, at tinatanggap ko na ngayon ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Ngunit ilang hindi kasiya-siya at hindi nakakaganyak na mga bagay ang naganap sa aking pamilya kamakailan. Bakit nangyayari ang ganitong mga bagay, at paano ko dapat pagdaanan ang mga ito?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Kayo’y maging mapagpigil, kayo’y maging mapagpuyat; ang inyong kalaban na diablo, na gaya ng leong umuungal, ay gumagala na humahanap ng masisila niya” (1 Pedro 5:8).
“At Aking dadalhin sa apoy ang ikatlong bahagi, at sila ay dadalisayin Ko na parang pilak na dalisay, at sila ay susubukin Ko na parang pagsubok sa ginto: sila ay magsisitawag sa Aking pangalan, at Akin silang didinggin: Aking sasabihin, ‘Sila ang bayan Ko:’ at kanilang sasabihin, ‘Si Jehova ay aking Diyos’” (Zacarias 13:9).
“At sinabi ni Jehova kay Satanas, ‘Iyo bang pinansin ang Aking lingkod na si Job, sapagkat walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki, na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan?’ Nang magkagayo’y sumagot si Satanas kay Jehova, at nagsabi, ‘Natatakot ba nang walang kabuluhan si Job sa diyos? Hindi mo ba kinulong siya, at ang kanyang sambahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawat dako? Iyong pinagpala ang gawa ng kanyang mga kamay, at ang kanyang pag-aari ay dumami sa lupain. Ngunit pagbuhatan mo siya ng Iyong kamay ngayon, at galawin mo ang lahat niyang tinatangkilik, at susumpain ka niya ng mukhaan.’ At sinabi ni Jehova kay Satanas, ‘Narito, lahat niyang tinatangkilik ay nasa iyong kapangyarihan; siya lamang ang huwag mong pagbuhatan ng iyong kamay.’ Sa gayo’y lumabas si Satanas na mula sa harapan ni Jehova” (Job 1:8–12).
“Nang magkagayo’y bumangon si Job, at pinunit ang kanyang balabal, at inahitan ang kanyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba; At sinabi niya, ‘Hubad akong lumabas sa bahay-bata ng aking ina, at hubad na babalik ako roon: si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova’” (Job 1:20–21).
“Nang magkagayo’y sinabi ng kanyang asawa sa kanya, ‘Pinananatili mo pa rin ba ang iyong integridad? Sumpain mo ang diyos, at mamatay ka.’ Ngunit sinabi niya sa kanya, ‘Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng isa sa mga hangal na babae. Ano? Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng kahirapan?’ Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job sa pamamagitan ng kanyang mga labi” (Job 2:9–10).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Kapag ang Diyos ay gumagawa, nagmamalasakit sa isang tao, at nagsisiyasat sa taong ito, at kapag nalulugod Siya at sinasang-ayunan Niya ang taong ito, nakabuntot din nang malapitan si Satanas, tinatangkang iligaw at lubhang pinsalain ang taong ito. Kung nais ng Diyos na makamit ang taong ito, gagawin ni Satanas ang lahat ng makakaya nito upang hadlangan ang Diyos, gamit ang iba’t ibang buktot na kaparaanan upang tuksuhin, guluhin at pinsalain ang gawain ng Diyos, upang makamit ang natatagong layon nito. Ano ang layon nito? Ayaw nito na makamit ng Diyos ang sinuman; nais nitong agawin ang pagmamay-ari sa mga taong nais makamit ng Diyos, gusto nitong kontrolin sila, ang pangasiwaan sila upang sambahin nila ito nang sa gayon ay samahan nila ito sa paggawa ng mga kasamaan, at labanan ang Diyos. Hindi ba ito ang masamang motibo ni Satanas? Madalas ninyong sabihin na si Satanas ay napakabuktot, napakasama, subalit nakita na ba ninyo ito? Nakikita ninyo kung gaano kasama ang sangkatauhan; hindi pa ninyo nakikita kung gaano kasama ang totoong Satanas. Subalit sa usapin tungkol kay Job, malinaw ninyong naobserbahan kung gaano talaga kabuktot si Satanas. Ginawang napakaliwanag ng usaping ito ang nakasusuklam na mukha ni Satanas at ang diwa nito. Sa pakikipagdigma sa Diyos at pagbuntot sa Kanya, ang layunin ni Satanas ay ang buwagin ang lahat ng gawain na nais gawin ng Diyos, ang sakupin at kontrolin ang mga nais na makuha ng Diyos, ang ganap na puksain ang mga nais na makuha ng Diyos. Kung hindi sila mapupuksa, sila kung gayon ay aangkinin ni Satanas upang magamit nito—ito ang layunin nito.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV
Ang bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao sa panlabas ay mukhang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi nito sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo para sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubok, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng mga tao, at ang panggugulo ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod nito ay isang labanan. … Kapag naglalaban sa espirituwal na mundo ang Diyos at si Satanas, paano mo dapat bigyang-kasiyahan ang Diyos, at paano ka dapat manindigan sa iyong patotoo sa Kanya? Dapat mong malaman na ang lahat ng nangyayari sa iyo ay isang malaking pagsubok at ang oras na kailangan ka ng Diyos na magpatotoo. Bagama’t maaaring hindi mukhang mahalaga ang mga ito sa panlabas, kapag nangyayari ang mga bagay na ito, ipinakikita ng mga ito kung mahal mo ba o hindi ang Diyos. Kung mahal mo, makakapanindigan ka sa iyong patotoo sa Kanya, at kung hindi mo naisagawa ang pagmamahal sa Kanya, ipinapakita nito na ikaw ay hindi isang taong nagsasagawa ng katotohanan, na ikaw ay walang katotohanan, at walang buhay, na ikaw ay ipa! Sa lahat ng bagay na nangyayari sa mga tao, kailangan sila ng Diyos na manindigan sa kanilang pagpapatotoo sa Kanya. Bagama’t walang malaking nangyayari sa iyo sa sandaling ito at hindi ka lubos na nagpapatotoo, ang lahat ng detalye ng iyong pang-araw-araw na buhay ay nauugnay sa patotoo sa Diyos. Kung makakamit mo ang paghanga ng iyong mga kapatid, mga miyembro ng iyong pamilya, at lahat ng tao sa iyong paligid; kung, isang araw, dumating ang mga walang pananampalataya, at humanga sa lahat ng iyong ginagawa, at makitang ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kahanga-hanga, nakapagpatotoo ka na. Kahit wala kang kabatiran at mababa ang iyong kakayahan, sa pamamagitan ng pagperpekto sa iyo ng Diyos, nagagawa mong bigyan Siya ng kasiyahan at isaalang-alang ang Kanyang mga layunin, na ipinapakita sa iba ang dakilang gawaing nagawa Niya sa mga tao na may pinakamabababang kakayahan. Kapag nakikilala ng mga tao ang Diyos at nagiging mga mananagumpay sila sa harap ni Satanas, na lubhang tapat sa Diyos, wala nang iba pang mas may tapang kaysa sa grupong ito ng mga tao, at ito ang pinakadakilang patotoo. Bagama’t hindi mo kayang gumawa ng dakilang gawain, kaya mong bigyang-kasiyahan ang Diyos. Hindi maisantabi ng iba ang kanilang mga kuru-kuro, ngunit kaya mo; hindi kaya ng iba na magpatotoo sa Diyos sa panahon ng kanilang aktuwal na mga karanasan, ngunit nagagamit mo ang iyong aktuwal na tayog at mga pagkilos upang suklian ang pagmamahal ng Diyos at magbigay ng matunog na patotoo sa Kanya. Ito lamang ang mabibilang na aktuwal na pagmamahal sa Diyos. Kung hindi mo ito kayang gawin, hindi ka nagpapatotoo sa mga miyembro ng iyong pamilya, sa iyong mga kapatid, o sa harap ng mga tao sa mundo. Kung hindi mo kayang magpatotoo sa harap ni Satanas, tatawanan ka ni Satanas, ituturing ka nito bilang isang katatawanan, bilang isang laruan, madalas ka nitong tutuyain, at gagawin kang baliw. Sa hinaharap, maaaring dumating sa iyo ang malalaking pagsubok—pero ngayon, kung mahal mo ang Diyos nang may tunay na puso, at gaano man kalaki ang mga pagsubok na darating, anuman ang mangyari sa iyo, nagagawa mong manindigan sa iyong pagpapatotoo, at nagagawa mong bigyang-kasiyahan ang Diyos, kung gayon, pagiginhawahin ang iyong puso, at hindi ka matatakot gaano man kalaki ang mga pagsubok na iyong makakatagpo sa hinaharap. Hindi ninyo makikita kung ano ang mangyayari sa hinaharap; maaari lamang ninyong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa mga kalagayan sa ngayon. Wala kayong kakayahang gumawa ng anumang dakilang gawain—dapat kayong tumuon sa pagbibigay-kasiyahan sa Diyos sa pamamagitan ng pagdanas ng Kanyang mga salita sa tunay na buhay, at dapat kayong magbigay ng malakas at matunog na patotoo at sa gayon ay magbigay-kahihiyan kay Satanas. Bagama’t mananatiling hindi nasisiyahan ang iyong laman at magdurusa, naghatid ka ng kasiyahan sa Diyos at nagdala ng kahihiyan kay Satanas. Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, magbubukas ang Diyos ng isang landas sa harap mo. Kapag, isang araw, dumating ang isang malaking pagsubok, babagsak ang iba, ngunit makatatayo ka nang matatag: Dahil sa halaga na iyong binayaran, poprotektahan ka ng Diyos upang matatag kang makatayo at hindi bumagsak. Kung sa karaniwan ay naisasagawa mo ang katotohanan at nabibigyang-kasiyahan ang Diyos nang may tunay na mapagmahal-sa-Diyos na puso, tiyak na poprotektahan ka ng Diyos sa mga pagsubok sa hinaharap. Bagama’t ikaw ay hangal, maliit ang tayog mo, at mahina ang kakayahan, hindi kikiling ang Diyos laban sa iyo. Depende ito sa kung ang iyong mga intensyon ay tama. Ipagpalagay na ngayon, nabibigyang-kasiyahan mo ang Diyos—metikuloso ka sa maliliit na detalye, at pinalulugod mo ang Diyos sa lahat ng bagay, mayroon kang tunay na mapagmahal-sa-Diyos na puso, ibinibigay mo ang tunay mong puso sa Diyos, at bagama’t may ilang bagay na hindi mo malinaw na makita, kaya mong lumapit sa Diyos upang maitama ang iyong mga intensyon, at hanapin ang mga layunin ng Diyos, at ginagawa mo ang lahat upang bigyang-kasiyahan ang Diyos. At bagama’t maaaring itakwil ka ng iyong mga kapatid, pinalulugod ng puso mo ang Diyos, at hindi mo iniimbot ang mga kasiyahan ng laman. Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, poprotektahan ka pagdating sa iyo ng malalaking pagsubok.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos
Kung maraming bagay ang sumasapit sa iyo na hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro ngunit nagagawa mong isantabi ang mga iyon at magtamo ng pagkakilala sa mga kilos ng Diyos mula sa mga bagay na ito, at kung sa gitna ng mga pagpipino ay ipinapakita mo ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso, ito ay paninindigan sa iyong patotoo. Kung mapayapa ang iyong tahanan, natatamasa mo ang mga kaginhawahan ng laman, walang umuusig sa iyo, at sinusunod ka ng iyong mga kapatid sa iglesia, maipapakita mo ba ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso? Mapipino ka ba ng sitwasyong ito? Maipapakita ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso sa pamamagitan lamang ng pagpipino, at magagawa kang perpekto sa pamamagitan lamang ng mga bagay na nangyayari na hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro. Sa pamamagitan ng serbisyo ng maraming negatibong bagay, at paggamit ng lahat ng uri ng pagpapamalas ni Satanas—mga kilos nito, mga paratang, mga panggugulo at panlilihis—malinaw na ipinapakita ng Diyos sa iyo ang pangit na mukha ni Satanas, at sa gayon ay ginagawang perpekto ang iyong kakayahang makilala si Satanas, upang kamuhian mo si Satanas at maghimagsik laban dito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino
Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kinakailangan, at may pambihirang kabuluhan, dahil ang lahat ng ginagawa Niya sa tao ay may kinalaman sa Kanyang pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan. Natural lamang na ang gawaing ginawa ng Diyos kay Job ay hindi naiiba, kahit na si Job ay perpekto at matuwid sa paningin ng Diyos. Sa madaling salita, kahit ano pa ang ginagawa ng Diyos o ang paraan na ginagamit Niya para gawin ito, kahit ano pa ang halaga, o ang Kanyang nilalayon, ang pakay ng Kanyang mga kilos ay hindi nagbabago. Ang Kanyang pakay ay upang ipasok sa tao ang mga salita ng Diyos, pati na rin ang mga kinakailangan at ang mga layunin ng Diyos para sa tao; sa madaling salita, ito ay upang ipasok sa tao ang lahat ng pinaniniwalaan ng Diyos na positibo alinsunod sa Kanyang mga hakbang, na nagbibigay sa tao ng pagkaunawa sa puso ng Diyos at pagkaintindi sa diwa ng Diyos, at nagpapahintulot sa tao na magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at sa gayon ay matamo ng tao ang takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan—ang lahat ng ito ay isang aspekto ng pakay ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa. Ang isa pang aspekto ay, dahil si Satanas ang hambingan at nagsisilbing gamit-pangserbisyo sa gawain ng Diyos, ang tao ay madalas na ibinibigay kay Satanas; paraan ito na ginagamit ng Diyos upang makita ng mga tao ang kasamaan, kapangitan, at pagiging kasuklam-suklam ni Satanas sa gitna ng mga pagtukso at pag-atake nito, na nagiging dahilan upang kamuhian ng mga tao si Satanas at magawang malaman at makilala kung ano ang negatibo. Ang prosesong ito ay nagbibigay-daan sa kanila upang unti-unti nilang mapalaya ang kanilang mga sarili mula sa kontrol ni Satanas, at mula sa mga paratang, panggugulo, at pag-atake nito—hanggang, salamat sa mga salita ng Diyos, ang kanilang kaalaman sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, ang kanilang pananalig sa Diyos at takot sa Diyos, ay magdala sa kanila ng tagumpay laban sa mga pag-atake at paratang ni Satanas; doon lamang sila ganap na maiaadya mula sa kapangyarihan ni Satanas. Ang paglaya ng mga tao ay nangangahulugan na si Satanas ay natalo, ito ay nangangahulugan na hindi na sila pagkain sa bibig ni Satanas—na sa halip na lunukin sila, pinakawalan sila ni Satanas. Ito ay sa kadahilanang ang mga gayong tao ay matuwid, may pananalig, may pagpapasakop, at may takot sa Diyos, at dahil tuluyan silang humiwalay kay Satanas. Nagdadala sila ng kahihiyan kay Satanas, ginagawa nilang duwag si Satanas, at lubusan nilang tinalo si Satanas. Ang kanilang pananalig sa pagsunod sa Diyos, at ang pagpapasakop at takot nila sa Diyos ang tumatalo kay Satanas, at nagiging dahilan kung bakit ganap silang isinusuko ni Satanas. Ang mga taong tulad nito lamang ang tunay na nakamtan ng Diyos, at ito ang pangwakas na layunin ng Diyos sa pagliligtas sa tao. Kung nais nilang mailigtas, at nais nilang ganap na makamit ng Diyos, ang lahat ng sumusunod sa Diyos ay dapat humarap sa mga maliliit at malalaking tukso at pag-atake na galing kay Satanas. Ang mga taong nakalalampas sa mga tukso at pag-atake na ito at nagagawang ganap na talunin si Satanas ay ang mga nailigtas ng Diyos. Ibig sabihin, ang mga tao na iniligtas ng Diyos ay iyong mga sumailalim sa mga pagsubok ng Diyos, at ang mga tinukso at inatake ni Satanas nang hindi mabilang na pagkakataon. Nauunawaan ng mga taong iniligtas ng Diyos ang mga layunin at mga hinihingi ng Diyos, at nagagawa nilang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi nila tinatalikdan ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan sa gitna ng mga panunukso ni Satanas. Ang mga iniligtas ng Diyos ay nagtataglay ng pagkamatapat, sila ay may mabubuting puso, napaghihiwalay nila ang pag-ibig at pagkamuhi, may pagpapahalaga sila sa katarungan at sila ay makatwiran, at nagagawa nilang magpakita ng pagsasaalang-alang sa Diyos at pahalagahan ang lahat ng sa Diyos. Ang ganitong mga tao ay hindi naigagapos, namamanmanan, napararatangan, o naaabuso ni Satanas; sila ay ganap na malaya, sila ay ganap na napalaya at napakawalan na. Si Job ay isang tao ng kalayaan, at ito ang tiyak na kahulugan kung bakit ipinasa siya ng Diyos kay Satanas.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Sa panahon ng gawain ng Kanyang patuloy na pagtutustos at suporta sa tao, sinasabi ng Diyos ang kabuuan ng Kanyang mga layunin at mga hinihingi sa tao, at ipinakikita Niya ang Kanyang mga gawa, disposisyon, at mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos sa tao. Ang layunin ay upang sangkapan ang tao ng tayog, at pahintulutan ang tao na makamit ang iba’t ibang katotohanan mula sa Diyos habang sumusunod sa Kanya—mga katotohanan na siyang mga sandatang ibinibigay ng Diyos sa tao upang labanan si Satanas. Kapag nabigyan na ng sandata, dapat harapin ng tao ang mga pagsubok ng Diyos. Ang Diyos ay maraming paraan at daan para sa pagsubok ng tao ngunit bawat isa sa mga ito ay nangangailangan ng “kooperasyon” ng kaaway ng Diyos: si Satanas. Ibig sabihin, matapos bigyan ang tao ng mga sandata upang labanan si Satanas, ibinibigay ng Diyos ang tao kay Satanas at hinahayaan si Satanas na “subukin” ang tayog ng tao. Kung makakalabas ang tao mula sa mga hanay ng pakikipaglaban ni Satanas, kung kaya niyang tumakas mula sa pagkubkob ni Satanas at manatiling buhay, ang tao ay makakapasa sa pagsubok. Ngunit kung ang tao ay mabigong umalis sa mga hanay ng pakikipaglaban ni Satanas, at sumuko kay Satanas, hindi siya makakapasa sa pagsubok. Anumang aspekto ng tao ang sinusuri ng Diyos, ang mga pamantayan ng Kanyang pagsusuri ay kung maninindigan o hindi ang tao sa kanyang patotoo kapag inatake siya ni Satanas, at kung itatakwil niya o hindi ang Diyos at nagpasiil at nagpasailalim kay Satanas habang nasa bitag ni Satanas. Maaaring sabihin na ang pagkaligtas o hindi sa tao ay nakasalalay sa kung kaya niyang mapagtagumpayan at talunin si Satanas, at ang kakayanan niya na makamtan ang kanyang kalayaan ay nakasalalay sa kanyang kakayahang buhatin, nang mag-isa, ang mga sandatang ibinigay sa kanya ng Diyos upang mapagtagumpayan ang gapos ni Satanas, upang ganap na mawalan ng pag-asa si Satanas at iwan siyang mag-isa. Kung mawawalan ng pag-asa si Satanas at bibitawan ang isang tao, ang ibig sabihin nito ay hinding-hindi na nito muling susubukan na kunin ang taong ito mula sa Diyos, hinding-hindi na muling pararatangan at guguluhin ang taong ito, hinding-hindi na siya muling pahihirapan nang walang-pakundangan o aatakihin; tanging ang ganitong tao lamang ang tunay na nakamit ng Diyos. Ito ang buong proseso kung paano nakakamit ng Diyos ang tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II