6. Pinatototohanan mo na ang Cristo ng Mga Huling Araw, ang Makapangyarihang Diyos, ay ang pagbabalik ng Panginoong Jesus, at inihahayag Niya ang lahat ng katotohanan para sa paghatol, paglilinis, at pagliligtas ng sangkatauhan. Gayunpaman inaangkin ng CCP na ang “Makapangyarihang Diyos” na pinaniniwalaan mo ay isang ordinaryong tao lamang. Alam ng CCP ang lahat tungkol sa background ng pamilya ng taong ito, at naipost din ang larawan, pangalan, at address ng pamilya ng taong ito online. Hindi ko ito maintindihan—totoo ba o hindi ang sinasabi ng CCP?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang “pagkakatawang-tao” ay ang pagpapakita ng Diyos sa katawang-tao; gumagawa ang Diyos sa gitna ng nilikhang sangkatauhan sa larawan ng katawang-tao. Kaya, dahil Siya ang pagkakatawang-tao ng Diyos, kailangan muna Siyang maging katawang-tao, katawang-taong may normal na pagkatao; ito ang pinakapangunahing kinakailangan. Sa katunayan, ang kahulugan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay namumuhay at gumagawa sa katawang-tao, na ang Diyos sa Kanyang pinakadiwa ay nagkakatawang-tao, nagiging isang tao. Ang Kanyang buhay at gawain sa katawang-tao ay maaaring hatiin sa dalawang yugto. Una ay ang buhay na Kanyang ipinamumuhay bago gampanan ang Kanyang ministeryo. Naninirahan Siya sa piling ng isang ordinaryong pamilya ng tao, sa lubos na normal na pagkatao, sumusunod sa normal na mga moralidad at batas ng buhay ng tao, na may normal na mga pangangailangan ng tao (pagkain, damit, tulog, tirahan), normal na mga kahinaan ng tao, at normal na mga damdamin ng tao. Sa madaling salita, sa unang yugtong ito ay nabubuhay Siya sa pagkataong walang pagka-Diyos at lubos na normal, nakikisali sa lahat ng normal na aktibidad ng tao. Ang pangalawang yugto ay ang buhay na Kanyang ipinamumuhay matapos Niyang simulang gampanan ang Kanyang ministeryo. Nananahan pa rin Siya sa ordinaryong pagkatao na may isang normal na katawan ng tao, na hindi nagpapakita ng panlabas na tanda ng pagiging higit-sa-karaniwan. Subalit namumuhay Siya nang dalisay para lamang sa kapakanan ng Kanyang ministeryo, at sa panahong ito ay ganap na umiiral ang Kanyang normal na pagkatao upang suportahan ang normal na gawain ng Kanyang pagka-Diyos, sapagkat sa panahong iyon ay gumulang na ang Kanyang normal na pagkatao hanggang sa punto na kaya na Niyang gampanan ang Kanyang ministeryo. Kaya, ang ikalawang yugto ng Kanyang buhay ay upang gampanan ang Kanyang ministeryo sa Kanyang normal na pagkatao, kapag ito ay isang buhay kapwa ng normal na pagkatao at ng ganap na pagka-Diyos. Sa unang yugto ng Kanyang buhay, kaya Siya namumuhay sa ganap na ordinaryong pagkatao ay dahil ang Kanyang pagkatao ay hindi pa kayang panatilihin ang kabuuan ng banal na gawain, hindi pa gumugulang; matapos gumulang ang Kanyang pagkatao, saka lamang Siya nagkaroon ng kakayahang balikatin ang Kanyang ministeryo, nakayanan Niyang magsimulang gampanan ang ministeryong dapat Niyang isagawa. Dahil katawang-tao Siya, kailangan Niyang lumaki at gumulang. Samakatwid, ang unang yugto ng Kanyang buhay ay iyong sa normal na pagkatao, samantalang sa pangalawang yugto, kaya ng Kanyang pagkatao na isagawa ang Kanyang gawain at gampanan ang Kanyang ministeryo, at kaya ang buhay ng Diyos na nagkatawang-tao sa panahon ng Kanyang ministeryo ay parehong sa pagkatao at sa ganap na pagka-Diyos. Kung, mula sa sandali ng Kanyang pagsilang, pormal na sinimulan ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang ministeryo, na nagsasagawa ng higit-sa-karaniwang mga tanda at himala, hindi sana Siya nagkaroon ng pisikal na diwa. Samakatwid, umiiral ang Kanyang pagkatao para sa kapakanan ng Kanyang pisikal na diwa; hindi maaaring magkaroon ng katawang-tao nang walang pagkatao, at ang isang taong walang pagkatao ay hindi isang tao. Sa ganitong paraan, ang pagkatao ng laman ng Diyos ay isang likas na katangian ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Ang sabihing “kapag naging tao ang Diyos ay mayroon lang Siyang pagka-Diyos, at walang pagkatao,” ay isang kalapastanganan, sapagkat wala talagang ganitong pahayag, at lumalabag ito sa prinsipyo ng pagkakatawang-tao. Kahit matapos Niyang simulang gampanan ang Kanyang ministeryo, namumuhay pa rin Siya sa Kanyang pagka-Diyos na may katawan ng tao kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; kaya lamang, sa panahong iyon, ang Kanyang pagkatao ay para lamang sa layuning tulutan ang Kanyang pagka-Diyos na gampanan ang gawain sa normal na katawang-tao. Kaya ang kumakatawan sa gawain ay ang pagka-Diyos na nananahan sa Kanyang pagkatao. Ang Kanyang pagka-Diyos, hindi ang Kanyang pagkatao, ang gumagawa, subalit ang pagka-Diyos na ito ay nakatago sa loob ng Kanyang pagkatao; sa diwa, ang Kanyang gawain ay ginagawa ng Kanyang ganap na pagka-Diyos, hindi ng Kanyang pagkatao. Ngunit ang nagsasagawa sa gawain ay ang Kanyang katawang-tao. Masasabi ng isang tao na Siya ay isang tao at isa ring Diyos, sapagkat ang Diyos ay nagiging isang Diyos na namumuhay sa katawang-tao; mayroon Siyang katawan ng tao at diwa ng tao, at higit pa rito, mayroon Siya ng diwa ng Diyos. Dahil Siya ay isang tao na mayroong diwa ng Diyos, nangingibabaw Siya sa lahat ng taong nilikha, nangingibabaw sa sinumang tao na makakagawa ng gawain ng Diyos. Kaya nga, sa lahat ng may katawan ng taong kagaya ng sa Kanya, sa lahat ng nagtataglay ng pagkatao, Siya lamang ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao—lahat ng iba pa ay mga taong nilikha. Bagama’t lahat sila ay may pagkatao, walang ibang taglay ang mga tao maliban sa pagkatao, samantalang ang Diyos na nagkatawang-tao ay naiiba: Sa Kanyang katawang-tao hindi lamang Siya may pagkatao kundi, ang pinakamahalaga, mayroon Siyang pagka-Diyos. Ang Kanyang pagkatao ay makikita sa panlabas na anyo ng Kanyang katawan at sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, ngunit ang Kanyang pagka-Diyos ay mahirap mahiwatigan. Dahil naipapahayag lamang ang Kanyang pagka-Diyos kapag Siya ay may pagkatao, at hindi higit-sa-karaniwan na tulad ng iniisip ng mga tao, napakahirap para sa mga tao na makita ito. Kahit ngayon, hirap na hirap ang mga tao na arukin ang totoong diwa ng Diyos na nagkatawang-tao. Kahit matapos Akong magsalita nang napakahaba tungkol dito, inaasahan Ko na isa pa rin itong hiwaga sa karamihan sa inyo. Sa katunayan, napakasimple ng isyung ito: Ngayong naging tao ang Diyos, ang Kanyang diwa ay isang kombinasyon ng pagkatao at ng pagka-Diyos. Ang kombinasyong ito ay tinatawag na Diyos Mismo, Diyos Mismo sa lupa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos
Tinatawag na Cristo ang Diyos na nagkatawang-tao, at si Cristo ay ang katawang-taong isinuot ng Espiritu ng Diyos. Hindi katulad ng sinumang tao sa laman ang katawang-taong ito. Ang kaibhang ito ay dahil si Cristo ang pagkakatawang-tao ng Espiritu, sa halip na pagiging makalaman. Siya ay kapwa may normal na pagkatao at ganap na pagka-Diyos. Hindi taglay ng sinumang tao ang pagka-Diyos Niya. Ang normal na pagkatao Niya ang nagpapanatili sa lahat ng normal na gawain Niya sa katawang-tao, habang isinasakatuparan ng pagka-Diyos Niya ang gawain ng Diyos Mismo. Pagkatao man o pagka-Diyos man Niya ito, kapwa nagpapasakop ang mga ito sa kalooban ng Ama sa langit. Ang Espiritu ang diwa ni Cristo, ibig sabihin ay, ang pagka-Diyos. Samakatwid, ang diwa Niya ay ang sa Diyos Mismo; hindi gagambalain ng diwang ito ang sarili Niyang gawain, at hindi Siya posibleng makagawa ng anumang bagay na sisira sa sarili Niyang gawain, ni hindi rin Siya bibigkas ng anumang mga salita na sumasalungat sa sarili Niyang kalooban. Samakatuwid, ganap na hindi gagawa kailanman ang Diyos na nagkatawang-tao ng kahit anumang gawaing gumagambala sa sarili Niyang pamamahala. Ito ang dapat maunawaan ng lahat ng mga tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ni Cristo ay Pagpapasakop sa Kalooban ng Ama sa Langit
Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, dadalhin Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban ito ng buhay, at ituro ang daan para rito. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, para patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan makilala ang kaibhan batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang susi ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspekto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang sinusuri lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi pinapansin ang Kanyang diwa, ipinapakita nito na ang tao ay mangmang at ignorante.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ay na isinasagawa ng isang ordinaryo at normal na tao ang gawain ng Diyos Mismo; ibig sabihin, isinasagawa ng Diyos na iyon ang Kanyang banal na gawain sa pagkatao at sa gayon ay nagagapi si Satanas. Ang pagkakatawang-tao ay nangangahulugan na ang Espiritu ng Diyos ay nagiging laman, ibig sabihin, ang Diyos ay nagiging katawang-tao; ang gawaing ginagawa ng katawang-tao ay ang gawain ng Espiritu, na nagiging totoo sa katawang-tao, ipinapahayag ng katawang-tao. Walang sinuman maliban sa laman ng Diyos ang makakatupad sa ministeryo ng nagkatawang-taong laman ng Diyos; ibig sabihin, tanging ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, ang normal na pagkataong ito—at wala nang iba—ang maaaring magpahayag ng banal na gawain. Kung, noong una Siyang pumarito, hindi nagtaglay ang Diyos ng normal na pagkatao bago Siya nag-edad dalawampu’t siyam—kung noong Siya ay isilang ay agad Siyang nakagawa ng mga himala, kung noong Siya ay matutong magsalita ay agad Siyang nakapagsalita ng wika ng langit, kung noong una Siyang tumapak sa lupa ay nakaya Niyang hulihin ang lahat ng makamundong bagay, kilatisin ang mga iniisip at intensyon ng bawat tao—hindi maaaring natawag ang taong iyon na isang normal na tao, at hindi maaaring natawag ang katawang iyon na katawan ng tao. Kung nangyari ito kay Cristo, mawawalan ng kahulugan at diwa ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang pagtataglay Niya ng normal na pagkatao ay nagpapatunay na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao sa laman; ang katotohanan na sumailalim Siya sa normal na proseso ng paglaki ng tao ay lalo pang nagpapamalas na Siya ay isang normal na tao; bukod pa riyan, ang Kanyang gawain ay sapat nang patunay na Siya ang Salita ng Diyos, ang Espiritu ng Diyos, na naging tao. Ang Diyos ay naging tao dahil sa mga pangangailangan ng Kanyang gawain; sa madaling salita, ang yugtong ito ng gawain ay kailangang isagawa sa katawang-tao, kailangan itong isagawa sa normal na pagkatao. Ito ang unang kailangan para sa “ang Salita ay naging tao,” para sa “ang Salita ay nagpapakita sa katawang-tao,” at ito ang tunay na kuwento sa likod ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos
Ang gawain at pagpapahayag ni Cristo ang tumutukoy sa Kanyang diwa. Nagagawa Niyang kumpletuhin nang may tunay na puso yaong ipinagkatiwala sa Kanya. Nagagawa Niyang sambahin nang may tunay na puso ang Diyos sa langit, at hinahanap ang kalooban ng Diyos Ama nang may tunay na puso. Natutukoy ang lahat ng ito ng diwa Niya. At gayundin ang likas na pagsisiwalat Niya ay natutukoy ng Kanyang diwa; ang dahilan na tinatawag Ko itong ang “likas na pagpapakita” Niya ay dahil hindi panggagaya ang pagpapahayag Niya, o bunga ng pinag-aralan ng tao, o bunga ng maraming taong paglilinang ng tao. Hindi Niya ito natutuhan o ginayakan ang sarili Niya nito; sa halip, likas ito sa loob Niya. Maaaring ikaila ng tao ang Kanyang gawain, ang Kanyang pagpapahayag, ang Kanyang pagkatao, at ang Kanyang buong buhay ng normal na pagkatao, ngunit walang makapagkakailang sinasamba Niya ang Diyos sa langit nang may tunay na puso; walang makapagkakailang dumating Siya upang tuparin ang kalooban ng Ama sa langit, at walang makapagkakaila sa katapatan ng paghahanap Niya sa Diyos Ama. Bagama’t hindi kaaya-aya sa mga pandama ang Kanyang wangis, hindi nagtataglay ng pambihirang awra ang pagtatalakay Niya, at hindi kasingnakawawasak ng lupa o nakayayanig ng langit ang gawain Niya na tulad ng inaakala ng tao, Siya talaga si Cristo, na tumutupad nang may tunay na puso sa kalooban ng Ama sa langit, ganap na nagpapasakop sa Ama sa langit, at mapagpasakop hanggang sa kamatayan. Ito ay sapagkat ang diwa Niya ay ang diwa ni Cristo. Mahirap para sa tao na paniwalaan ang katotohanang ito, ngunit ito ay katunayan. Kapag ganap nang natupad ang ministeryo ni Cristo, magagawang makita ng tao mula sa gawain Niya na ang Kanyang disposisyon at katauhan ay kumakatawan sa disposisyon at pagiging Diyos ng Diyos sa langit. Sa oras na iyon, makapagpapatunay ang kabuuan ng gawain Niya na Siya talaga ang Salitang nagiging katawang-tao, at hindi katulad ng laman at dugong tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ni Cristo ay Pagpapasakop sa Kalooban ng Ama sa Langit
Sa pagkakataong ito, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain hindi sa espirituwal na katawan, kundi sa isang napaka-ordinaryong katawan. Bukod dito, ito ang katawan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, at ito rin ang katawan kung saan bumabalik ang Diyos sa katawang-tao. Isa itong napaka-ordinaryong katawang-tao. Kung titingnan Siya, wala kang makikitang anumang nagpapabukod-tangi sa Kanya sa iba, ngunit maaari kang magkamit mula sa Kanya ng mga katotohanang hindi pa narinig dati. Itong hamak na katawang-taong ito lang ang pagsasakatawan ng lahat ng salita ng Diyos ng katotohanan, ang tagapagdala ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, at ang pagpapahayag kung saan nauunawaan ng tao ang buong disposisyon ng Diyos. Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na maunawaan ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang hantungan ng sangkatauhan? Sasabihin Niya sa iyo ang lahat ng lihim na ito—mga lihim na wala pang taong nakapagsabi sa iyo, at sasabihin din Niya sa iyo ang mga katotohanang hindi mo nauunawaan. Siya ang pasukan mo patungo sa kaharian, at ang gabay mo patungo sa bagong kapanahunan. Ang ordinaryong katawang-tao ito ay nagtataglay ng maraming hiwagang di-maarok ng tao. Hindi mo maarok ang Kanyang mga gawa, ngunit ang buong layon ng gawaing ginagawa Niya ay sapat upang bigyan ka ng kakayahan na makitang hindi Siya isang simpleng katawang-tao na gaya ng inaakala ng mga tao, sapagkat kinakatawan Niya ang mga layunin ng Diyos sa mga huling araw, at ang pagmamalasakit ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw. Bagama’t hindi mo naririnig ang Kanyang mga salitang tila yumayanig sa kalangitan at lupa, bagama’t hindi mo makita ang Kanyang mga matang tulad ng lumalagablab na apoy, at bagama’t hindi mo natatanggap ang pagdidisiplina ng Kanyang bakal na pamalo, gayumpaman, maririnig mo mula sa Kanyang mga salita na nagiging puno ng poot ang Diyos at mababatid na nagpapakita ang Diyos ng awa sa sangkatauhan, at makikita ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang karunungan Niya, at higit pa rito, mapapahalagahan ang malasakit ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang pahintulutan ang tao na makita sa lupa ang Diyos na nasa langit na namumuhay kasama ng mga tao, at bigyang-kakayahan ang tao na kumilala, magpasakop, matakot, at magmahal sa Diyos. Ito ang dahilan kung bakit bumalik Siya sa katawang-tao sa pangalawang pagkakataon. Kahit na ang nakikita ng tao ngayon ay isang Diyos na katulad ng tao, isang Diyos na mayroong ilong at dalawang mata, at isang labis na hindi kapansin-pansing Diyos, sa huli, ipakikita sa inyo ng Diyos na kung hindi umiral ang taong ito, sasailalim ang langit at ang lupa sa napakatinding pagbabago; kung hindi umiral ang taong ito, magdidilim ang kalangitan, masasadlak sa kaguluhan ang lupa, at mamumuhay ang buong sangkatauhan sa gitna ng taggutom at mga salot. Ipakikita Niya sa inyo na kung hindi pumarito ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga huling araw upang iligtas kayo, matagal na sanang winasak ng Diyos ang buong sangkatauhan sa impiyerno; kung hindi umiral ang katawang-taong ito, magiging mga pangunahing makasalanan kayo magpakailanman, at magiging mga bangkay kayo habang panahon. Dapat ninyong malaman na kung hindi umiral ang katawang-taong ito, magiging imposible para sa sangkatauhan na matakasan ang isang malaking kalamidad, at magiging imposible para dito na makatakas sa mas matinding kaparusahang ipapataw ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw. Kung hindi isinilang ang karaniwang katawang-taong ito, lahat sana kayo ay nasa kalagayan kung saan nagsusumamo kayo para sa buhay nang walang kakayahang mamuhay at magmakaawa para sa kamatayan nang hindi namamatay; kung hindi umiral ang katawang-taong ito, hindi ninyo makakamit ang katotohanan at makakapunta sa harap ng trono ng Diyos ngayon, kundi sa halip, parurusahan kayo ng Diyos dahil sa mabibigat ninyong kasalanan. Alam ba ninyong kung hindi dahil sa pagbabalik sa katawang-tao ng Diyos, walang magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan; at kung hindi dahil sa pagparito ng katawang-taong ito, matagal na sanang tinapos ng Diyos ang lumang kapanahunan? Dahil dito, tatanggihan pa rin ba ninyo ang ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos? Yamang napakalalaking pakinabang ang matatamo ninyo sa karaniwang taong ito, bakit hindi ninyo Siya malugod na tatanggapin?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alam Mo Ba? Gumawa ang Diyos ng Dakilang Bagay sa Gitna ng mga Tao
Sa huli, sasamba ang bawat bansa sa karaniwang taong ito, magbibigay din ng pasasalamat at magpapasakop sa hamak na taong ito, dahil ang katotohanan, buhay, at daan na dala Niya ang nagligtas sa buong sangkatauhan, nagpahupa sa hidwaan sa pagitan ng tao at Diyos, nagpaikli sa agwat sa pagitan nila, at nagbukas ng ugnayan sa pagitan ng mga saloobin ng Diyos at tao. Siya rin ang nakakuha ng higit pang kaluwalhatian para sa Diyos. Hindi ba karapat-dapat sa tiwala at pagsamba mo ang karaniwang taong gaya nito? Hindi ba nararapat na tawaging Cristo ang ganitong karaniwang katawang-tao? Maaari bang ang ganitong karaniwang tao ay hindi maging pagpapahayag ng Diyos sa gitna ng mga tao? Hindi ba karapat-dapat ang ganitong tao, na nagligtas sa sangkatauhan mula sa sakuna, sa pagmamahal at pagnanais ninyong kumapit sa Kanya? Kung tinatanggihan ninyo ang mga katotohanang ipinahayag mula sa Kanyang bibig at kinamumuhian ang Kanyang pag-iral kasama ninyo, ano ang mangyayari sa inyo sa huli?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alam Mo Ba? Gumawa ang Diyos ng Dakilang Bagay sa Gitna ng mga Tao