2. Maraming taon nang naniniwala ang mga pastor at matatanda sa iglesia sa Panginoon, masyado silang maalam tungkol sa Biblia, at higit ang kanilang pananampalataya kaysa sa amin, kaya dapat kaming makinig sa kanila sa pagsampalataya namin sa Panginoon. Pinatototohanan mo na nagbalik na ang Panginoong Jesus at ginagampanan ang gawain ng paghatol simula sa tahanan ng Diyos, ngunit hindi ito tinatanggap ng karamihan sa mga pastor at matatanda sa iglesia, at kinokontra at tinutuligsa pa nga nila ito. Dahil diyan, hindi rin namin ito maaaring tanggapin.
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Dapat muna kaming magsitalima sa Diyos bago sa mga tao” (Mga Gawa 5:29).
“Sila’y mga bulag na taga-akay. At kung ang bulag ay umakay sa bulag, ay kapwa sila mangahuhulog sa hukay” (Mateo 15:14).
“Sumpain ang tao na nagtitiwala sa tao, at ginagawang laman ang kanyang bisig, at ang puso ay humihiwalay mula kay Jehova” (Jeremias 17:5).
“Ang mga tao ay hindi bumabaling sa Kanya na humahampas sa kanila, ni hinanap si Jehova ng mga hukbo. Kaya’t puputulin ni Jehova sa Israel ang ulo’t buntot, ang sanga ng palma at ang tambo, sa isang araw. Ang matanda at ang marangal na tao, siya ang ulo; at ang propeta na nagtuturo ng mga kabulaanan, siya ang buntot. Sapagkat silang mga namumuno sa mga taong ito ay siyang nangliligaw; at silang pinamumunuan ay nawawasak” (Isaias 9:13–16).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Masdan mo ang mga lider ng bawat denominasyon—lahat sila ay mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at ang kanilang mga interpretasyon sa Bibliya ay hindi batay sa konteksto at ginagabayan ng kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon. Lahat sila ay umaasa sa mga kaloob at kaalaman sa paggawa ng kanilang gawain. Kung sila ay wala talagang kakayahang mangaral, susunod ba sa kanila ang mga tao? Sila, kunsabagay, ay nagtataglay ng kaunting kaalaman at kaya nilang mangaral ng ilang doktrina, o alam nila kung paano kunin ang loob ng iba at kung paano gumamit ng ilang panlalansi. Kaya nililinlang nila ang mga tao at dinadala nila ang mga tao sa harapan nila. Sa pangalan, ang mga taong iyon ay nananampalataya sa Diyos, ngunit sa realidad, sumusunod sila sa mga lider na ito. Kung nakakatagpo sila ng isang taong nangangaral ng tunay na daan, ang ilan sa kanila ay nagsasabing, “Kailangan kong konsultahin ang aking lider tungkol sa mga usapin ng pananalig.” Tingnan kung paanong kailangan pa ng mga tao ang pagpayag at pagsang-ayon ng iba pagdating sa pananampalataya sa Diyos at pagtanggap sa tunay na daan—hindi ba’t nakakaabala ito? Nagiging ano na kung gayon ang mga lider na iyon? Hindi ba’t sila ay naging mga Pariseo, huwad na mga pastol, at mga anticristo? Hindi ba’t sila ay naging mga katitisuran sa pagtanggap ng mga tao sa tunay na daan?
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
May mga nagbabasa ng Bibliya sa malalaking simbahan at nagbibigkas ng mga sipi buong araw, pero wala ni isa man sa kanila ang nakakaunawa sa layunin ng gawain ng Diyos, ni wala rin sa kanila ang nakakakilala sa Diyos—lalong walang sinumang makaaayon sa mga layunin ng Diyos. Silang lahat ay mga walang kuwenta at ubod ng samang tao, na nagmamataas para pangaralan ang “Diyos.” Sila ay mga taong kumikilos sa ilalim ng bandera ng Diyos pero sadyang lumalaban sa Diyos, na nagdadala ng tatak ng pananampalataya sa Diyos habang kumakain ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng gayong tao ay masasamang diyablo na lumalamon sa mga kaluluwa ng tao, mga punong demonyo na sadyang nanggugulo sa mga tao mula sa pagtahak sa tamang landas, at mga balakid na humahadlang sa mga tao sa paghahanap sa Diyos. Maaaring mukhang “matipuno ang pangangatawan” nila, pero paano malalaman ng mga tagasunod nila na sila ay mga anticristo na umaakay sa mga tao para lumaban sa Diyos? Paano malalaman ng mga tagasunod nila na sila ay mga buhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Lumalaban sa Diyos
Hindi nagmamahal sa katotohanan ang ilang tao, lalong hindi sa paghatol. Sa halip, nagmamahal sila sa kapangyarihan at mga kayamanan; ang mga taong ganoon ay tinatawag na mga mapaghanap ng kapangyarihan. Hinahanap lamang nila ang mga denominasyon sa mundo na may kapangyarihan, at hinahanap lamang nila ang mga pastor at mga gurong galing sa mga seminaryo. Bagaman tinanggap na nila ang daan ng katotohanan, hindi sila lubos na nananampalataya, at wala silang kakayahang ilaan ang buong katawan at isip nila; ang mga bibig nila ay bumibigkas ng mga salita ng paggugol ng sarili nila para sa Diyos, ngunit ang kanilang mga mata ay nakatuon sa mga dakilang pastor at guro, at hindi man lang sinusulyapan si Cristo. Ang isipan nila ay puno ng mga kaisipan ng kasikatan, pakinabang, at karangalan. Hindi sila naniniwalang ang isang ganoong kaliit na tao ay may kakayahang lupigin ang napakarami, na ang isang taong hindi kapansin-pansin ay kayang gawing perpekto ang tao. Iniisip nilang imposibleng ang mga hamak na ito na nasa gitna ng alikabok at mga tambak ng dumi ay ang mga taong hinirang ng Diyos. Naniniwala silang kung ang gayong mga tao ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos, ang langit at lupa ay mababaliktad, at ang lahat ng tao ay sasakit ang tiyan sa kakatawa. Naniniwala silang kung pinili ng Diyos ang gayong mga tao upang gawing perpekto, kung gayon ang mga dakilang pigurang iyon ay magiging Diyos Mismo. Ang mga pananaw nila ay may bahid ng di-paniniwala; higit pa sa hindi paniniwala, sila ay mga walang katwirang hayop lamang. Sapagkat pinahahalagahan lamang nila ang katayuan, prestihiyo, at kapangyarihan, at pinahahalagahan nila ang malalaking grupo at denominasyon, at hinahamak nila ang mga pinamumunuan ni Cristo. Sila ay sadyang mga nagkakanulo na tumalikod kay Cristo, sa katotohanan, at sa buhay.
Hindi mo hinahangaan ang pagpapakumbaba ni Cristo, pero pinagpipitagan mo ang mga huwad na pastol na iyon na may prominenteng katayuan. Hindi mo minamahal ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, pero kinagigiliwan mo iyong mahahalay na nakikisabay sa karumihan ng mundo. Tinutuya mo lang ang pasakit ni Cristo dahil wala Siyang lugar na mapagpahingahan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na nagnanakaw ng mga handog at namumuhay sa kahalayan. Hindi ka handang magdusa kasama ni Cristo, ngunit kusang-loob mong inihahagis ang sarili mo sa mga bisig ng mga walang habas at sutil na anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang mga puwersa. Gayumpaman, patuloy mong tinataglay ang saloobin na nahihirapan kang tanggapin ang gawain ni Cristo at ayaw mo itong tanggapin. Ito ang tanging dahilan kung bakit sinasabi Kong wala kang pananalig na kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumusunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nagtataasan sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at kamay. Sa puso ninyo, sila ay kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Sa puso mo, hindi Siya mahalaga magpakailanman, isa Siyang tao magpakailanman na hindi karapat-dapat na katakutan. Sapagkat napakakaraniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensiya, at malayo sa pagiging matayog.
Ano’t anuman, sinasabi Ko na ang lahat ng hindi nagpapahalaga sa katotohanan ay mga hindi mananampalataya at mga nagkakanulo sa katotohanan. Ang mga gayong tao ay hindi kailanman makatatanggap ng pagsang-ayon ni Cristo. Natanto mo na ba ngayon kung gaano kalaki ang hindi paniniwalang nasa kalooban mo, at kung gaano ang pagkakanulo mo kay Cristo? Ikaw ay Aking hinihikayat nang ganito: Dahil pinili mo na ang daan ng katotohanan, dapat mong ilaan ang sarili mo nang buong puso; huwag kang mag-alinlangan o maging hindi buo ang loob. Dapat mong maunawaan na ang Diyos ay hindi Diyos ng mundo ni ng sinumang iisang tao, kundi Diyos ng lahat ng totoong nananampalataya sa Kanya, ng lahat ng sumasamba sa Kanya, at ng lahat ng mga deboto at tapat sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka ba Talagang Mananampalataya sa Diyos?
Iyong mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay laging sumusunod sa iba: Kung sinasabi ng mga tao na ito ay gawain ng Banal na Espiritu, sinasabi mo rin na ito ay gawain ng Banal na Espiritu; kung sinasabi ng mga tao na ito ay gawain ng masamang espiritu, nag-aalinlangan ka na rin o sinasabi mo rin na ito ay gawain ng masamang espiritu. Lagi mong ginagaya ang mga sinasabi ng iba, at hindi mo kayang kumilatis mag-isa ng kahit ano, at hindi mo rin kayang mag-isip para sa iyong sarili. Ito ay isang tao na walang paninindigan, na walang pagkilatis—ang gayong tao ay walang silbi! Lagi mong inuulit ang mga sinasabi ng iba: Sinasabi ngayon na ito ay gawain ng Banal na Espiritu, ngunit marahil balang araw ay may magsasabi na hindi ito gawain ng Banal na Espiritu, at na ito sa katunayan ay walang iba kundi mga gawa ng tao—ngunit hindi mo ito makilatis, at kapag nakikita mo itong sinasabi ng iba ay inuulit mo ito. Ang totoo ay gawain ito ng Banal na Espiritu, ngunit sinasabi mo na gawain ito ng tao; hindi ba’t naging isa ka na sa mga lumalapastangan sa gawain ng Banal na Espiritu? Sa bagay na ito, hindi ba’t nilabanan mo ang Diyos dahil wala kang pagkilatis? Marahil, may isang hangal na susulpot balang araw at magsasabing “ito ay gawain ng masamang espiritu,” at kapag narinig mo ang mga salitang ito, hindi mo na alam ang gagawin, at muli ka na namang malilimitahan ng mga sinasabi ng iba. Tuwing may nanggugulo sa iyo, hindi mo magawang manindigan, at ito ay dahil hindi mo taglay ang katotohanan. Ang pananampalataya sa Diyos at paghahangad na makilala ang Diyos ay hindi isang simpleng bagay. Hindi matatamo ang mga bagay na ito sa pagtitipon-tipon lamang at pakikinig sa mga sermon, at hindi ka mapeperpekto sa pamamagitan ng alab ng damdamin lamang. Dapat dumaan ka sa mga karanasan, magtaglay ng kaalaman, at magkaroon ng prinsipyo sa iyong mga pagkilos, at dapat mong makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag sumailalim ka na sa mga karanasan, makikilatis mo ang maraming bagay—magagawa mong makita ang pagkakaiba ng mabuti at masama, ng katarungan at kabuktutan, ng kung ano ang sa laman at dugo at kung ano ang sa katotohanan. Dapat mong magawang makita ang pagkakaiba ng mga bagay na ito, at sa pagsasagawa nito, anuman ang mangyari, hindi ka kailanman maliligaw. Ito lamang ang iyong totoong tayog.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakakaunawa sa Kanyang Gawain ang mga Nagpapalugod sa Diyos
Ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay dapat magpasakop sa Diyos at sumamba sa Kanya. Huwag mong itaas o tingalain ang sinumang tao; huwag ilagay sa una ang Diyos, ipangalawa ang mga tao na iyong tinitingala, at ipangatlo ang iyong sarili. Walang sinumang taong dapat magkaroon ng lugar sa iyong puso, at hindi mo dapat ituring ang mga tao—lalo na ang mga pinag-aalayan mo ng benerasyon—na kapareho ng Diyos, na Kanyang kapantay. Hindi ito matatagalan ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na mga Tao ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian
May ilang tao na madalas mailigaw ng mga tao na sa tingin ay mukhang espirituwal, marangal, matayog, at dakila. Tungkol naman sa mga taong mahusay bumigkas ng mga salita at doktrina, at ang pananalita at mga kilos ay tila karapat-dapat sa paghanga, yaong mga nalilihis ng mga ito ay hindi natingnan kailanman ang diwa ng kanilang mga kilos, ang mga prinsipyo sa likod ng kanilang mga gawa, o kung ano ang kanilang mga layon. Bukod pa riyan, hindi nila natingnan kailanman kung tunay na nagpapasakop sa Diyos ang mga taong ito, ni hindi nila natukoy kailanman kung tunay na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan o hindi ang mga taong ito. Hindi nila nahiwatigan kailanman ang pagkataong diwa ng mga taong ito. Sa halip, simula sa unang hakbang ng pagkilala sa kanila, unti-unti na nilang hinangaan at iginalang ang mga taong ito, at sa huli, naging mga idolo nila ang mga taong ito. Bukod pa riyan, sa isipan ng ilang tao, ang mga idolong sinasamba nila—at pinaniniwalaan nila na kayang iwan ang kanilang pamilya at trabaho, at tila paimbabaw na nagagawang magsakripisyo—ang mga tunay na nagpapalugod sa Diyos at talagang magtatamo ng magagandang kahihinatnan at hantungan. Sa kanilang isipan, ang mga idolong ito ang mga taong pinupuri ng Diyos. Ano ang nagiging dahilan para maniwala sila sa gayong bagay? Ano ang diwa ng isyung ito? Ano ang mga bungang kahahantungan nito? Talakayin muna natin ang diwa nito.
Ang mahalaga, ang mga isyung ito tungkol sa mga pananaw ng mga tao, ang kanilang mga pamamaraan ng pagsasagawa, aling mga prinsipyo ng pagsasagawa ang pinipili nilang gamitin, at ano ang gusto nilang pagtuunan ay walang kinalaman sa mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Nakatutok man ang mga tao sa mabababaw na usapin o malalalim na isyu, o sa mga salita at doktrina o realidad, hindi sila sumusunod doon sa pinaka-nararapat nilang sundin, ni hindi nila alam yaong bagay na pinaka-nararapat nilang malaman. Ito ay dahil sa ni ayaw man lamang ng mga tao sa katotohanan; sa gayon, ayaw nilang gumugol ng panahon at pagsisikap sa paghahanap at pagsasagawa ng mga prinsipyo ng pagsasagawa na matatagpuan sa mga pagbigkas ng Diyos. Sa halip, mas gusto nilang gumamit ng mas madaling paraan, na ibinubuod ang nauunawaan at nalalaman nilang mahusay na pagsasagawa at mabuting pag-uugali; ang buod na ito kung gayon ang nagiging sarili nilang mithiing pagsisikapang matupad, na itinuturing nilang katotohanang isasagawa. Ang tuwirang resulta nito ay na gumagamit ang mga tao ng mabuting pag-uugali bilang kapalit ng pagsasagawa ng katotohanan, na tumutupad din sa hangarin nilang makahingi ng pabor sa Diyos. Binibigyan sila nito ng puhunang magagamit para labanan ang katotohanan, na ginagamit din nila para mangatwiran at makipaglaban sa Diyos. Kasabay nito, walang-takot na isinasantabi rin ng mga tao ang Diyos, at ipinapalit sa lugar Niya ang mga idolong hinahangaan nila. Iisa lamang ang ugat na dahilan kaya nagiging gayon kamangmang ang mga kilos at pananaw ng mga tao, o isang panig lamang ang mga opinyon at gawi nila—at ngayon ay sasabihin Ko sa inyo ang tungkol dito: Ang dahilan nito ay na, bagama’t maaaring sinusunod ng mga tao ang Diyos, nagdarasal sila sa Kanya araw-araw, at binabasa nila ang Kanyang mga pagbigkas araw-araw, hindi nila talaga nauunawaan ang mga layunin Niya. Narito ang ugat ng problema. Kung may nakaunawa sa puso ng Diyos, at nakaalam kung ano ang gusto Niya, ano ang kinasusuklaman Niya, ano ang nais Niya, ano ang inaayawan Niya, anong klaseng tao ang minamahal Niya, anong klaseng tao ang inaayawan Niya, anong klaseng pamantayan ang ginagamit Niya kapag may hinihingi Siya sa mga tao, at anong klaseng pamamaraan ang ginagamit Niya para gawin silang perpekto, maaari pa rin kayang magkaroon ang taong iyon ng sarili nilang mga opinyon? Maaari kayang basta humayo ang mga tao at sambahin nila ang ibang tao? Maaari kayang maging idolo nila ang isang ordinaryong tao? Ang mga taong nakauunawa sa mga layunin ng Diyos ay magtataglay ng medyo mas makatwirang pananaw kaysa riyan. Hindi nila basta iidolohin ang isang taong natiwali, ni hindi sila maniniwala, habang tumatahak sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan, na ang pikit-matang pagsunod sa isang simpleng panuntunan o mga prinsipyo ay katumbas ng pagsasagawa ng katotohanan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain
Ang pinakamabuting gawin ng mga taong nagsasabi na sumusunod sila sa Diyos ay imulat ang kanilang mga mata at tumingin nang husto upang makita kung sino talaga ang sinasampalatayanan nila: Ang Diyos ba talaga ang sinasampalatayanan mo, o si Satanas? Kung alam mo na hindi ang Diyos ang sinasampalatayanan mo, kundi ang sarili mong mga diyos-diyosan, ang pinakamabuting gawin ay huwag mong sabihin na isa kang mananampalataya. Kung talagang hindi mo alam kung sino ang iyong sinasampalatayanan, muli, ang pinakamabuting gawin ay huwag mong sabihin na isa kang mananampalataya. Ang pagsasabi niyon ay kalapastanganan! Walang sinumang pumipilit sa iyo na manampalataya sa Diyos. Huwag ninyong sabihing nananampalataya kayo sa Akin; sawa na Ako sa ganyang pananalita, at ayaw Ko nang marinig iyong muli, dahil ang sinasampalatayanan ninyo ay ang mga idolo sa inyong puso at ang lokal na mga maton sa inyo. Lahat ng umiiling kapag naririnig nila ang katotohanan, na ngumingisi kapag nakakarinig sila ng mga salita ng kamatayan, ay mga supling ni Satanas, at sila iyong ititiwalag. Marami sa iglesia ang hindi makakilatis. Kapag sinusubukang ilihis ng isang tao ang iba, sa kabaligtaran, pumapanig sila kay Satanas; pakiramdam pa nga nila ay labis silang naaagrabyado na tinatawag silang mga alipin ni Satanas. Bagama’t maaaring sabihin ng mga tao na hindi sila makakilatis, lagi silang nasa panig na walang katotohanan, hindi sila pumapanig sa katotohanan kailanman sa kritikal na panahon, hindi sila naninindigan at nagtatanggol kailanman para sa katotohanan. Wala ba talaga silang pagkilatis? Sa kabaligtaran, bakit sila pumapanig kay Satanas? Bakit hindi sila nagsasabi kailanman ng isang salitang makatarungan at makatwiran alang-alang sa katotohanan? Talaga bang nangyari ang sitwasyong ito dahil sa panandalian nilang kalituhan? Kapag mas kaunting pagkilatis ang mayroon ang mga tao, mas hindi nila nagagawang pumanig sa katotohanan. Ano ang ipinapakita nito? Hindi ba nito ipinapakita na gustong-gusto ng mga taong walang pagkilatis ang kasalanan? Hindi ba nito ipinapakita na sila ay ang mga tapat na supling ni Satanas? Bakit ba palagi nilang nagagawang pumanig kay Satanas at magsalita sa parehong wika nito? Bawat salita at gawa nila, ang mga ekspresyon sa kanilang mga mukha, ay sapat na lahat upang patunayan na hindi sila mga taong nagmamahal sa katotohanan; sa halip, sila ay mga taong namumuhi sa katotohanan. Sapat nang kaya nilang pumanig kay Satanas upang patunayan na talagang mahal ni Satanas ang maliliit na diyablong ito na ginugugol ang kanilang buhay sa pakikipaglaban para sa kapakanan ni Satanas. Hindi ba napakalinaw ng lahat ng katunayang ito? Kung talagang isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, bakit wala kang pagpapahalaga sa mga nagsasagawa ng katotohanan, at bakit ka sumusunod kaagad sa mga hindi nagsasagawa ng katotohanan sa pinakatiting na tingin mula sa kanila? Anong klaseng problema ito? Wala Akong pakialam kung may pagkilatis ka o wala. Wala Akong pakialam kung gaano kalaki ang halagang ibinayad mo. Wala Akong pakialam kung gaano kalakas ang mga puwersa mo, at wala Akong pakialam kung isa kang lokal na maton o isang lider na tagadala ng bandila. Kung malakas ang mga puwersa mo, dahil lamang iyon sa tulong ng lakas ni Satanas. Kung mataas ang iyong prestihiyo, dahil lamang iyon sa napakarami sa paligid mo ang hindi nagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi ka pa napapatalsik, dahil iyon sa hindi pa panahon para sa gawain ng pagpapatalsik; sa halip, ito ang panahon para sa gawain ng pagtitiwalag. Hindi kailangang magmadaling patalsikin ka ngayon. Naghihintay lamang Ako sa pagdating ng araw na iyon na parurusahan kita kapag naitiwalag ka na. Sinumang hindi nagsasagawa ng katotohanan ay ititiwalag!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan