Ano ang normal na espirituwal na buhay at ano ang pakikisali sa seremonyang panrelihiyon

Abril 20, 2018

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang pananampalataya sa Diyos ay nangangailangan ng isang normal na espirituwal na buhay, na siyang pundasyon sa pagdanas ng mga salita ng Diyos at pagpasok sa realidad. Lahat ba ng inyong kasalukuyang pagsasagawa ng mga panalangin, ng paglapit sa Diyos, ng pagkanta ng mga himno, pagpuri, pagmumuni-muni, at pagninilay ng mga salita ng Diyos ay katumbas ng isang “normal na espirituwal na buhay”? Mukhang walang nakakaalam sa inyo. Ang isang normal na espirituwal na buhay ay hindi limitado sa mga pagsasagawang tulad ng pagdarasal, pagkanta ng mga himno, paglahok sa buhay-iglesia, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Sa halip, kinapapalooban ito ng pamumuhay ng bago at masiglang espirituwal na buhay. Ang mahalaga ay hindi kung paano kayo nagsasagawa, kundi kung ano ang ibinubunga ng inyong pagsasagawa. Naniniwala ang karamihan sa mga tao na ang isang normal na espirituwal na buhay ay kailangang kapalooban ng pagdarasal, pagkanta ng mga himno, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos o pagninilay sa Kanyang mga salita, mayroon mang tunay na epekto ang gayong mga pagsasagawa o kaya’y humahantong man ang mga ito sa tunay na pagkaunawa. Nakatuon ang mga taong ito sa pagsunod sa mababaw na mga pamamaraan nang hindi iniisip ang magiging resulta ng mga ito; sila ay mga taong nabubuhay sa mga ritwal ng relihiyon, hindi mga taong nabubuhay sa loob ng iglesia, at lalong hindi sila mga tao ng kaharian. Lahat ng kanilang panalangin, pagkanta ng mga himno, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay puro pagsunod sa panuntunan, na ginagawa dahil napipilitan sila at para makaagapay sa mga kalakaran, hindi dahil sa kahandaan at ni hindi mula sa puso. Gaano man manalangin o kumanta ang mga taong ito, hindi magkakaroon ng bunga ang kanilang mga pagsisikap, sapagkat ang isinasagawa nila ay mga panuntunan at ritwal lamang ng relihiyon; hindi talaga sila nagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Nagtutuon lamang sila sa pagkabahala kung paano sila nagsasagawa, at itinuturing nilang mga panuntunang susundin ang mga salita ng Diyos. Hindi isinasagawa ng gayong mga tao ang mga salita ng Diyos; pinagbibigyan lamang nila ang laman, at gumagawa sila para makita ng ibang mga tao. Lahat ng panuntunan at ritwal na ito ng relihiyon ay tao ang pinagmulan; hindi nagmumula ang mga ito sa Diyos. Ang Diyos ay hindi sumusunod sa mga panuntunan, ni hindi Siya sakop ng anumang batas. Sa halip, gumagawa Siya ng mga bagong bagay araw-araw, nagsasakatuparan ng praktikal na gawain. Gaya ng mga tao sa Three-Self Church, na nililimitahan ang kanilang sarili sa mga pagsasagawa tulad ng pagdalo sa pagsamba sa umaga araw-araw, pag-aalay ng mga panalangin sa gabi at panalangin ng pasasalamat bago kumain, at pasasalamat sa lahat ng bagay—gaano man karami ang kanilang ginagawa at gaano man katagal nila iyon ginagawa, hindi mapapasakanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag nabubuhay ang mga tao sa gitna ng mga panuntunan at nakatutok ang kanilang puso sa mga pamamaraan ng pagsasagawa, hindi makakagawa ang Banal na Espiritu, dahil ang kanilang puso ay puno ng mga panuntunan at kuru-kuro ng tao. Sa gayon, hindi nagagawang mamagitan at gumawa ang Diyos sa kanila, at maaari lamang silang patuloy na mabuhay sa ilalim ng kontrol ng mga batas. Ang gayong mga tao ay walang kakayahang tumanggap ng papuri ng Diyos kailanman.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Hinggil sa Isang Normal na Espirituwal na Buhay

Anong uri ng buhay ang espirituwal na buhay? Ang espirituwal na buhay ay yaong kung saan ang iyong puso ay ganap nang bumaling sa Diyos, at nagagawang isaisip ang pag-ibig ng Diyos. Ito yaong kung saan ay nabubuhay ka sa mga salita ng Diyos, at walang iba pa ang sumasakop sa iyong puso, at nagagawa mong maunawaan ang kalooban ng Diyos sa kasalukuyan, at ginagabayan ka ng liwanag ng Banal na Espiritu ngayon upang matupad ang iyong tungkulin. Ang gayong buhay sa pagitan ng tao at ng Diyos ang espirituwal na buhay. Kung hindi mo nagagawang sundin ang liwanag sa kasalukuyan, isang pagitan ang nabuksan na sa iyong ugnayan sa Diyos—maaari pang naputol na ito—at wala kang isang normal na espirituwal na buhay. Ang isang normal na kaugnayan sa Diyos ay itinatag sa saligan ng pagtanggap sa mga salita ng Diyos ngayon. Mayroon ka bang normal na espirituwal na buhay? Mayroon ka bang isang normal na kaugnayan sa Diyos? Ikaw ba ay isang taong sumusunod sa gawain ng Banal na Espiritu? Kung nagagawa mong sundin ang liwanag ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan, at nakakayang maunawaan ang kalooban ng Diyos sa loob ng Kanyang mga salita, at pumasok sa mga salitang ito, ikaw ay isang taong sumusunod sa daloy ng Banal na Espiritu. Kung hindi mo sinusunod ang daloy ng Banal na Espiritu, walang pag-aalinlangan na ikaw ay isang taong hindi hinahangad ang katotohanan. Ang Banal na Espiritu ay walang pagkakataon na makagawa sa kalooban ng mga walang pagnanais na paunlarin ang kanilang mga sarili, at bilang resulta, hindi kailanman magagawa ng gayong mga tao na magkaroon ng lakas, at palagi silang walang kibo. Sa kasalukuyan, sinusunod mo ba ang daloy ng Banal na Espiritu? Nasa daloy ka ba ng Banal na Espiritu? Lumabas ka na ba mula sa pagiging walang kibo? Lahat niyaong naniniwala sa mga salita ng Diyos, na ginagamit ang gawain ng Diyos bilang saligan, at sinusunod ang liwanag ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan—lahat sila ay nasa daloy ng Banal na Espiritu. Kung naniniwala ka na ang mga salita ng Diyos ay di-mapagkakailang tunay at tama, at kung naniniwala ka sa mga salita ng Diyos anuman ang Kanyang sabihin, ikaw ay isang taong naghahangad na makapasok sa gawain ng Diyos, at sa ganitong paraan ay tinutupad mo ang kalooban ng Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak

Ang normal na espirituwal na buhay ay isang buhay na ipinamuhay sa harap ng Diyos. Kapag nagdarasal, maaaring patahimikin ng isang tao ang kanyang puso sa harap ng Diyos, at sa pamamagitan ng panalangin, maaari niyang hangarin ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, malaman ang mga salita ng Diyos, at maunawaan ang kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita, maaaring magkaroon ang mga tao ng mas malinaw at mas lubos na pagkaunawa sa kasalukuyang gawain ng Diyos. Maaari din silang magkaroon ng bagong landas ng pagsasagawa, at hindi sila kakapit sa dati; lahat ng kanilang isinasagawa ay para magkamit ng paglago sa buhay. Tungkol naman sa panalangin, hindi ito tungkol sa pagsambit ng ilang salitang masarap pakinggan o pag-iyak sa harap ng Diyos upang ipakita kung gaano kalaki ang iyong utang na loob; sa halip, ang layunin nito ay upang sanayin ang sarili sa paggamit ng espiritu, na nagtutulot sa kanya na patahimikin ang kanyang puso sa harap ng Diyos, na sanayin ang kanyang sarili na maghangad ng patnubay mula sa mga salita ng Diyos sa lahat ng bagay, para mailapit ang puso niya sa isang sariwa at bagong liwanag bawat araw, at upang hindi siya maging walang-kibo o tamad at makatahak siya sa tamang landas ng pagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Karamihan sa mga tao sa panahong ito ay nakatuon sa mga pamamaraan ng pagsasagawa, subalit hindi nila ginagawa iyon para patuloy na sikaping matamo ang katotohanan at magkamit ng paglago sa buhay. Dito na sila naligaw ng landas. Mayroon ding ilan na may kakayahang tumanggap ng bagong liwanag, ngunit hindi nagbabago ang kanilang mga pamamaraan ng pagsasagawa. Tangay nila ang dati nilang mga relihiyosong kuru-kuro habang umaasa silang tumanggap ng mga salita ng Diyos ngayon, kaya ang tinatanggap nila ay doktrinang may kulay pa rin ng mga relihiyosong kuru-kuro; hindi lamang liwanag ngayon ang kanilang tinatanggap. Dahil dito, may dungis ang kanilang mga pagsasagawa; dati pa ring mga pagsasagawa ang mga iyon gamit ang bagong pabalat. Gaano man kahusay ang kanilang pagsasagawa, mga mapagpaimbabaw sila. Inaakay ng Diyos ang mga tao sa paggawa ng mga bagong bagay araw-araw, na inuutos na bawat araw ay may bago silang mababatid at mauunawaan, at hinihiling na huwag silang maging makaluma at paulit-ulit. Kung naniwala ka na sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi man lang nagbago ang iyong mga pamamaraan ng pagsasagawa, at kung masigasig at abala ka pa rin tungkol sa mga bagay na panlabas, subalit wala kang tahimik na pusong maiharap sa Diyos upang matamasa ang Kanyang mga salita, wala kang mapapala. Pagdating sa pagtanggap sa bagong gawain ng Diyos, kung hindi mo iibahin ang iyong pagpaplano, hindi ka nagsasagawa sa isang bagong paraan, at hindi ka naghahangad ng anumang bagong pagkaunawa, kundi sa halip ay kumakapit ka sa dati mong pagkaunawa at tumatanggap lamang ng kaunting limitadong bagong liwanag, nang hindi binabago ang paraan ng iyong pagsasagawa, ang mga taong katulad mo ay kasama sa daloy na ito sa pangalan lamang; ang totoo, sila ay mga relihiyosong Fariseo sa labas ng daloy ng Banal na Espiritu.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Hinggil sa Isang Normal na Espirituwal na Buhay

Ang tunay na espirituwal na buhay ay isang buhay ng panalangin—ito ay isang buhay na inaantig ng Banal na Espiritu. Ang proseso ng pag-antig ng Banal na Espiritu ay ang proseso ng pagbabago ng disposisyon ng tao. Ang buhay na hindi inaantig ng Banal na Espiritu ay hindi isang espirituwal na buhay, kundi isang buhay lamang ng relihiyosong ritwal. Yaon lamang mga madalas maantig ng Banal na Espiritu, at naliliwanagan at tinatanglawan ng Banal na Espiritu, ang nakapasok na sa espirituwal na buhay. Ang disposisyon ng tao ay patuloy na nagbabago habang siya ay nagdarasal. Kapag lalo siyang inaantig ng Espiritu ng Diyos, lalo siyang nagiging aktibo at masunurin. Kaya unti-unti ring madadalisay ang kanyang puso, at unti-unting magbabago ang kanyang disposisyon. Ganyan ang epekto ng tunay na panalangin.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin

Gaano karaming kaugaliang pangrelihiyon ang sinusunod mo? Ilang beses ka na bang naghimagsik laban sa salita ng Diyos at pinili ang iyong sariling landas? Ilang beses mo na bang naisagawa ang salita ng Diyos dahil tunay mong isinasaalang-alang ang Kanyang mga pasanin at hinahangad mong bigyang-lugod ang Kanyang kalooban? Dapat mong maunawaan ang salita ng Diyos at isagawa ito nang naaayon. Maging maprinsipyo sa lahat ng iyong kilos at gawa, bagama’t hindi ito nangangahulugan na sumunod sa mga patakaran o gumawa ng isang bagay nang labag sa kalooban bilang isa lamang palabas; bagkus, ito ay nangangahulugan na isagawa ang katotohanan at mamuhay ayon sa salita ng Diyos. Tanging ang pagsasagawa na tulad nito ang nakalulugod sa Diyos. Ang anumang pagkilos na nakalulugod sa Diyos ay hindi isang patakaran, kundi isang pagsasagawa ng katotohanan. May pagkahilig ang ilang tao sa pag-akit ng pansin sa kanilang mga sarili. Sa piling ng kanilang mga kapatid, maaari nilang sabihin na may utang na loob sila sa Diyos, ngunit kapag nakatalikod sila, hindi nila isinasagawa ang katotohanan at ganap na iba ang kanilang ikinikilos. Hindi ba sila mga relihiyosong Fariseo? Ang isang taong tunay na nagmamahal sa Diyos at nagtataglay ng katotohanan ay taong matapat sa Diyos ngunit hindi ito ipinagpapasikat. Ang ganitong tao ay nakahandang isagawa ang katotohanan kapag kinakailangan ng sitwasyon at hindi nagsasalita o kumikilos sa paraang labag sa kanyang konsensya. Nagpapakita siya ng karunungan kapag kinakailangan ng mga bagay-bagay at may prinsipyo siya sa kanyang mga gawa anuman ang kalagayan. Ang taong tulad nito ay kayang tunay na maglingkod. May ilan namang madalas na hanggang salita lamang pagdating sa pagkakautang nila sa Diyos; ginugugol nila ang kanilang mga araw na nakakunot ang noo sa pag-aalala, na nagbabalatkayo, at nagkukunwaring kahabag-habag. Talagang kasuklam-suklam! Kung tatanungin mo sila, “Maaari bang sabihin mo sa akin kung paano ka may utang na loob sa Diyos?” wala silang maisasagot. Kung ikaw ay matapat sa Diyos, huwag mong ipagsabi iyon; bagkus, gamitin mo ang aktwal na pagsasagawa upang ipakita ang iyong pagmamahal sa Diyos, at manalangin ka sa Kanya nang may tapat na puso. Mga mapagpaimbabaw ang lahat ng gumagamit lamang ng salita upang pakitunguhan ang Diyos at gumagawa para lang masabing may nagawa! Ang ilan ay nagsasalita tungkol sa pagkakautang sa Diyos sa bawat panalangin, at nagsisimulang umiyak kapag nananalangin sila, kahit na walang pag-antig ng Banal na Espiritu. Namamayani sa mga taong tulad nito ang mga pangrelihiyong ritwal at kuru-kuro; namumuhay sila ayon sa mga naturang ritwal at kuru-kuro, laging naniniwala na ang mga naturang kilos ay kalugud-lugod sa Diyos, at ang paimbabaw na kabanalan o malulungkot na pagluha ay sinasang-ayunan ng Diyos. Anong kabutihan ang maidudulot ng mga kakatwang taong ito? Upang ipakita ang kanilang pagpapakumbaba, pakunwaring nagpapakita ng kagandahang-loob ang ilan kapag nagsasalita sila sa presensya ng iba. Ang ilan ay sinasadyang maging mapaglingkod sa presensya ng iba, kumikilos na gaya ng isang tupa na walang kahit anong lakas. Naaangkop ba ang ganitong asal sa mga tao ng kaharian? Ang mga tao ng kaharian ay dapat na buhay na buhay at malaya, walang-sala at bukas ang kalooban, tapat at kaibig-ibig, at namumuhay sa kalagayan ng kalayaan. Dapat ay mayroon silang integridad at dignidad, at kaya nilang tumayong saksi saan man sila magpunta; kinalulugdan kapwa ng Diyos at ng tao ang mga ganitong tao. Ang mga baguhan sa pananampalataya ay may napakaraming panlabas na gawi; kailangan muna nilang sumailalim sa isang panahon ng pakikitungo at pagbasag. Ang mga may pananalig sa Diyos sa kanilang mga puso ay hindi kakaiba sa iba sa panlabas, ngunit ang kanilang mga kilos at gawa ay kapuri-puri. Ang mga ganitong tao lamang ang maituturing na nagsasabuhay sa salita ng Diyos. Kung araw-araw kang nangangaral ng ebanghelyo sa iba’t ibang tao sa pagsisikap na madala sila sa kaligtasan, ngunit sa katapusan ay namumuhay ka pa rin sa mga patakaran at doktrina, hindi mo mabibigyan ng luwalhati ang Diyos kung gayon. Ang mga naturang tao ay mga relihiyosong tao, at mga mapagpaimbabaw rin.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pananampalataya, Kailangang Magtuon ang Isang Tao sa RealidadAng Pagsali sa mga Pangrelihiyong Ritwal ay Hindi Pananampalataya

Kung, sa paniniwala sa Diyos, itinuturing ng mga tao ang katotohanan bilang isang grupo ng mga patakarang dapat panghawakan, hindi ba’t hindi maiiwasang mauwi ang kanilang paniniwala sa ilang seremonyang pangrelihiyon lamang? At ano ang mga pagkakaiba ng gayong mga seremonyang pangrelihiyon at ng Kristiyanismo? Maaaring mas malalim at mas progresibo ang mga taong ito sa paraan ng kanilang pananalita, ngunit kung ang kanilang pananampalataya ay naging isang kalipunan na lang ng mga patakaran at isang uri ng seremonya, hindi ba’t ibig sabihin noon ay naging Kristiyanismo na ito? (Oo, ganoon nga.) May mga pagkakaiba ang luma at bagong mga katuruan, ngunit kung ang mga katuruan ay walang anuman kundi isang uri ng teorya, at naging isang uri lamang ng seremonya o patakaran para sa mga tao—at, gayundin, kung hindi makatatamo ang mga tao ng katotohanan mula rito o magagamit ito upang makapasok sa katotohanang realidad—hindi ba’t ang pananampalataya nila’y naging tulad lamang ng Kristiyanismo? Sa diwa, hindi ba ito Kristiyanismo? (Oo, ganoon nga.) Kung gayon, sa inyong pag-uugali at sa pagganap ng inyong tungkulin, sa aling mga bagay kayo mayroong mga pananaw at kalagayan na pareho o katulad ng sa mga mananampalataya sa Kristiyanismo? (Sa pagsunod sa mga patakaran, at sa pagsasangkap sa ating mga sarili ng mga titik at doktrina.) (Sa pagtuon sa pagpapakita ng pagiging espirituwal at pagpapakita ng mabuting ugali, at sa pagiging taimtim at mapagpakumbaba.) Hinahangad ninyong magpakita sa iba ng mabuting ugali, ginagawa ninyo ang lahat ng inyong makakaya upang palabasin ang inyong mga sarili ng isang uri ng espirituwal na kaanyuan, at gumagawa kayo ng ilang bagay na kahit papaano ay katanggap-tanggap sa mga kuru-kuro at guni-guni ng tao, nagpapanggap na mabait. Tumatayo kayo sa mataas na pulpito na nangangaral ng mga titik at doktrina, tinuturuan ang mga tao na gumawa ng mabuti, maging mabait, at unawain ang katotohanan; nangangaral kayo ng espirituwal na doktrina, sinasabi ang mga tamang espirituwal na bagay; nag-aasta kayong mataas tungkol sa pagiging espirituwal at nagpapakita ng isang mababaw na espirituwalidad sa lahat ng sinasabi at ginagawa ninyo, subalit sa pagsasagawa at pagtupad sa inyong tungkulin, hindi ninyo kailanman hinahanap ang katotohanan. Sa sandaling maharap kayo sa problema, lubos kayong kumikilos alinsunod sa kalooban ng tao, isinasantabi ang Diyos. Hindi kayo kailanman kumilos alinsunod sa katotohanang prinsipyo, ni wala kayong anumang ideya kung ano ba ang katotohanan, kung ano ang mga layunin ng Diyos, o kung ano ang mga pamantayang hinihingi Niya sa tao; hindi ninyo kailanman sineryoso ang mga bagay na ito o ni inisip ang mga iyon. Ang ganito bang mga panlabas na kilos at mga panloob na kalagayan ng tao—ibig sabihin, ang ganito bang uri ng pananampalataya—ang bumubuo ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan? Kung walang kaugnayan ang pananampalataya ng mga tao at ang paghahanap sa katotohanan, naniniwala ba sila o hindi sa Diyos? Kahit pa ilang taon maniwala sa Kanya ang mga taong walang kaugnayan sa paghahanap ng katotohanan, magagawa ba nila o hindi na talagang matakot sa Diyos at layuan ang kasamaan? (Hindi nila magagawa.) Ano kung gayon ang panlabas na pag-uugali ng ganitong mga tao? Anong uri ng landas ang malalakaran nila? (Ang landas ng mga Fariseo.) Ano ang ipinangsasangkap nila sa mga sarili nila sa araw-araw? Hindi ba’t mga titik at doktrina? Hindi ba’t ginugugol nila ang kanilang mga araw sa pagsasandata sa mga sarili nila, binibihisan ang mga sarili nila ng mga titik at doktrina upang gawin ang mga sarili nila na mas katulad ng mga Fariseo, mas espirituwal, at mas katulad ng mga tao na naglilingkod daw sa Diyos? Ano ba talaga ang kalikasan ng lahat ng pagkilos na ito? Ito ba ay pagsamba sa Diyos? Ito ba ay tunay na pananampalataya sa Kanya? (Hindi, ito ay hindi.) Kaya, ano ang ginagawa nila? Nililinlang nila ang Diyos; ginagawa lamang nila ang mga hakbang ng isang proseso, at nakikilahok sa mga seremonyang pangrelihiyon. Iwinawagayway nila ang bandila ng pananampalataya at gumaganap ng mga ritwal na pangrelihiyon, tinatangkang linlangin ang Diyos upang makamit ang kanilang layong mapagpala. Hindi talaga sinasamba ng mga taong ito ang Diyos. Sa katapusan, hindi ba’t ang grupo ng mga taong ganyan ay magwawakas tulad lamang ng mga nasa loob ng iglesia na inaakalang naglilingkod sa Diyos, at inaakalang naniniwala at sumusunod sa Diyos?

Hinango mula sa “Tanging Kapag Namumuhay Ka sa Harapan ng Diyos sa Lahat ng Sandali Makalalakad Ka sa Landas ng Kaligtasan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Sa panahon ng pagpasok ng tao, ang buhay ay palaging nakakabagot, puno ng mga walang-pagbabagong elemento ng espirituwal na buhay, katulad ng pananalangin, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, o pagbuo ng mga pagtitipon, kaya’t palaging nadarama ng mga tao na ang paniniwala sa Diyos ay hindi nagdudulot ng malaking kasiyahan. Ang gayong mga espirituwal na gawain ay laging isinasagawa batay sa orihinal na disposisyon ng sangkatauhan, na ginawa nang tiwali ni Satanas. Bagaman paminsan-minsan ay nakakatanggap ang mga tao ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, ang kanilang orihinal na pag-iisip, disposisyon, paraan ng pamumuhay at mga kaugalian ay nag-uugat pa rin sa kaloob-looban, kaya’t ang kanilang kalikasan ay nananatiling di-nagbabago. Ang kinasusuklaman ng Diyos nang higit sa lahat ay ang mga mapamahiing gawain ng mga tao, ngunit marami pa ring mga tao ang hindi kayang bumitiw sa mga iyon, iniisip na ang mga mapamahiing gawaing ito ay iniatas ng Diyos, at kahit ngayon ay hindi pa lubusang nabibitawan ang mga iyon. Ang mga bagay na kagaya ng isinasaayos ng mga kabataan para sa mga handaan sa kasal at panggayak sa mga babaeng ikakasal; mga regalong pera, mga salu-salo, at katulad na mga pamamaraan ng pagdiriwang ng masasayang okasyon; mga sinaunang pormula na ipinamana; ang lahat ng walang-kabuluhang mapamahiing gawain na isinasagawa para sa mga patay at seremonya ng paglilibing sa kanila: higit pang kinamumuhian ng Diyos ang lahat ng ito. Kahit ang araw ng pagsamba (pati na ang Sabbath, na ipinapangilin ng mundo ng relihiyon) ay kinamumuhian Niya; at lalo pang higit na kinamumuhian at tinatanggihan ng Diyos ang kaugnayang panlipunan at makamundong pag-uugnayan ng lalaki sa lalaki. Hindi iniatas ng Diyos kahit na ang Pista ng Tagsibol at Araw ng Pasko na alam ng lahat ng tao, lalo na ang mga laruan at dekorasyon para sa magarbong mga kapistahang ito tulad ng mga pulang pabiting may tula, mga paputok, mga parol, Banal na Komunyon, mga regalo sa Pasko, at mga pagdiriwang sa Pasko—hindi ba mga idolo sa isipan ng mga tao ang mga ito? Ang pagpipira-piraso ng tinapay sa araw ng Sabbath, alak, at pinong lino ay mas mariin na mga idolo. Ang lahat ng iba’t ibang tradisyonal na araw ng kapistahan na kilala sa China, tulad ng Araw ng Pagtataas ng mga Ulo ng Dragon, Pista ng mga Bangkang Dragon, Pista sa Kalagitnaan ng Taglagas, Pista ng Laba, at Araw ng Bagong Taon, at ang mga pista sa mundo ng relihiyon tulad ng Pasko ng Pagkabuhay, Araw ng Pagbibinyag, at Araw ng Pasko, ang lahat ng di-makatwirang pistang ito ay isinaayos at ipinamana mula noong unang panahon hanggang sa kasalukuyan ng maraming tao. Ang mayamang imahinasyon at malikhaing ideya ng sangkatauhan ang nagtulot na maipasa ang mga ito hanggang sa ngayon. Ang mga iyon ay tila walang kapintasan, ngunit sa katunayan ay mga panlilinlang ni Satanas sa sangkatauhan. Kapag mas higit na pinagtitipunan ng mga Satanas ang isang lokasyon, at kapag mas lipas at paurong ang lugar na iyon, mas isinasagawa ang mga pyudal na kaugalian nito. Ang mga bagay na ito ay nagbibigkis sa mga tao nang mahigpit, na hindi na sila makakilos. Tila nagpapakita ng lubhang pagiging orihinal ang marami sa mga pista sa mundo ng relihiyon at tila lumilikha ng isang tulay sa gawain ng Diyos, ngunit ang mga iyon sa katunayan ay hindi-nakikitang mga tali ni Satanas na gumagapos sa mga tao upang hindi makilala ang Diyos—ang lahat ng mga ito ay tusong panlalansi ni Satanas. Sa katunayan, kapag ang isang yugto ng gawain ng Diyos ay tapos na, nawasak na Niya ang mga kasangkapan at estilo ng panahong iyon na walang iniiwang anumang bakas. Gayunman, ang “matatapat na mananampalataya” ay patuloy na sinasamba ang mga nahihipong materyal na mga bagay na iyon; samantala, isinasantabi nila sa kanilang mga isipan ang kung anong mayroon ang Diyos, hindi na ito pinag-aaralan pa, tila ba puno ng pag-ibig sa Diyos ngunit ang totoo ay matagal na nila Siyang itinulak palabas ng bahay at inilagay si Satanas sa hapag upang sambahin. Ang mga larawan ni Jesus, ang Krus, si Maria, ang Bautismo ni Jesus at ang Huling Hapunan—ang lahat ng ito ay sinasamba ng mga tao bilang Panginoon ng Langit, habang paulit-ulit na sumisigaw ng “Panginoon, Ama sa langit.” Hindi ba biro ang lahat ng ito? Hanggang ngayon, kinapopootan ng Diyos ang maraming katulad na mga pananalita at pagsasagawa na ipinamamana ng sangkatauhan, seryosong hinahadlangan ng mga iyon ang daan tungo sa Diyos at, higit pa rito ay nagiging malalaking sagabal sa pagpasok ng sangkatauhan. Bukod pa sa lawak ng ginawang pagkatiwali ni Satanas sa sangkatauhan, ang mga kalooban ng mga tao ay lubusang napuno ng mga bagay na gaya ng batas ni Witness Lee, ng mga karanasan ni Lawrence, ng mga sarbey ni Watchman Nee, at ng gawain ni Pablo. Wala talagang paraan upang gumawa ang Diyos sa mga tao dahil sa kalooban nila ay may sobrang pagkamakasarili, mga batas, mga patakaran, mga alituntunin, mga sistema, at mga tulad nito; ang mga bagay na ito, bukod pa sa hilig ng mga tao sa pyudal na mga pamahiin, ay bumihag at lumamon na sa sangkatauhan. Ang iniisip ng mga tao ay mistulang isang kapana-panabik na pelikula na nagsasalaysay ng isang makulay na “fairy tale,” na may pambihirang mga nilalang na nakasakay sa mga ulap, napakamalikhain kaya namamangha ang mga tao, iniiwan silang tulala at hindi makapagsalita. Sa totoo lang, ang pangunahing gawain na ginagawa ng Diyos ngayon ay upang harapin at iwaksi ang mga mapamahiing katangian ng mga tao at ganap na baguhin ang kanilang pananaw sa kaisipan. Ang gawain ng Diyos ay hindi nagtagal hanggang sa ngayon dahil sa pamanang ipinasa ng sangkatauhan sa mga henerasyon; ito’y gawain na personal Niyang pinasisimulan at kinukumpleto nang hindi kinakailangan na may humalili para sa pamana ng isang partikular na dakilang espirituwal na tao, o manahin ang anumang gawain ng isang kumakatawang kalikasang ginawa ng Diyos sa ibang kapanahunan. Hindi kailangang pagkaabalahan ng mga tao ang alinman sa mga bagay na ito. Ang Diyos ngayon ay may ibang istilo ng pananalita at ng paggawa, kaya bakit ginugulo ng mga tao ang kanilang mga sarili? Kung lalakad ang mga tao sa landas ngayon na nakapaloob sa kasalukuyang agos habang ipinagpapatuloy ang pamana ng kanilang “mga ninuno,” hindi sila makakarating sa kanilang hantungan. Nakakaramdam ang Diyos ng matinding pagkasuklam para sa partikular na klase ng pag-uugali ng taong tulad nito, gaya ng pagkapoot Niya sa mga taon, mga buwan at mga araw ng mundo ng tao.

Ang pinakamahusay na paraan upang baguhin ang disposisyon ng tao ay ang pagalingin ang mga bahagi sa kaibuturan ng mga puso ng mga tao na pinakamatinding nalason, na nagpapahintulot sa mga tao na magsimulang baguhin ang kanilang pag-iisip at moralidad. Una sa lahat, kailangang malinaw na makita ng mga tao na ang lahat ng seremonyang ito ng relihiyon, mga relihiyosong gawain, mga taon at mga buwan, at mga pista ay kinasusuklaman ng Diyos. Dapat silang lumaya mula sa mga gapos na ito ng pyudal na pag-iisip at wasakin ang bawat bakas ng kanilang malalim na pagkahilig sa pamahiin. Ang lahat ng ito ay kasama sa pagpasok ng sangkatauhan. Dapat ninyong maunawaan kung bakit pinangungunahan ng Diyos ang sangkatauhan palabas sa sekular na mundo, at muli kung bakit Niya inaakay ang sangkatauhan palayo sa mga patakaran at mga alituntunin. Ito ang pintuan kung saan kayo papasok, at kahit walang kinalaman ang mga bagay na ito sa inyong espirituwal na karanasan, ang mga ito ang pinakamatinding mga bagay na humaharang sa inyong pagpasok, at humahadlang sa inyong pagkilala sa Diyos. Bumubuo ang mga iyon ng isang lambat na humuhuli sa mga tao.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 3

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.