Ano ang panalangin ng seremonyang panrelihiyon at bakit walang napapala rito

Enero 26, 2022

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang isang normal na espirituwal na buhay ay hindi limitado sa mga pagsasagawang tulad ng pagdarasal, pagkanta ng mga himno, paglahok sa buhay-iglesia, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Sa halip, kinapapalooban ito ng pamumuhay ng bago at masiglang espirituwal na buhay. Ang mahalaga ay hindi kung paano kayo nagsasagawa, kundi kung ano ang ibinubunga ng inyong pagsasagawa. Naniniwala ang karamihan sa mga tao na ang isang normal na espirituwal na buhay ay kailangang kapalooban ng pagdarasal, pagkanta ng mga himno, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos o pagninilay sa Kanyang mga salita, mayroon mang tunay na epekto ang gayong mga pagsasagawa o kaya’y humahantong man ang mga ito sa tunay na pagkaunawa. Nakatuon ang mga taong ito sa pagsunod sa mababaw na mga pamamaraan nang hindi iniisip ang magiging resulta ng mga ito; sila ay mga taong nabubuhay sa mga ritwal ng relihiyon, hindi mga taong nabubuhay sa loob ng iglesia, at lalong hindi sila mga tao ng kaharian. Lahat ng kanilang panalangin, pagkanta ng mga himno, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay puro pagsunod sa panuntunan, na ginagawa dahil napipilitan sila at para makaagapay sa mga kalakaran, hindi dahil sa kahandaan at ni hindi mula sa puso. Gaano man manalangin o kumanta ang mga taong ito, hindi magkakaroon ng bunga ang kanilang mga pagsisikap, sapagkat ang isinasagawa nila ay mga panuntunan at ritwal lamang ng relihiyon; hindi talaga sila nagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Nagtutuon lamang sila sa pagkabahala kung paano sila nagsasagawa, at itinuturing nilang mga panuntunang susundin ang mga salita ng Diyos. Hindi isinasagawa ng gayong mga tao ang mga salita ng Diyos; pinagbibigyan lamang nila ang laman, at gumagawa sila para makita ng ibang mga tao. Lahat ng panuntunan at ritwal na ito ng relihiyon ay tao ang pinagmulan; hindi nagmumula ang mga ito sa Diyos. Ang Diyos ay hindi sumusunod sa mga panuntunan, ni hindi Siya sakop ng anumang batas. Sa halip, gumagawa Siya ng mga bagong bagay araw-araw, nagsasakatuparan ng praktikal na gawain. Gaya ng mga tao sa Three-Self Church, na nililimitahan ang kanilang sarili sa mga pagsasagawa tulad ng pagdalo sa pagsamba sa umaga araw-araw, pag-aalay ng mga panalangin sa gabi at panalangin ng pasasalamat bago kumain, at pasasalamat sa lahat ng bagay—gaano man karami ang kanilang ginagawa at gaano man katagal nila iyon ginagawa, hindi mapapasakanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag nabubuhay ang mga tao sa gitna ng mga panuntunan at nakatutok ang kanilang puso sa mga pamamaraan ng pagsasagawa, hindi makakagawa ang Banal na Espiritu, dahil ang kanilang puso ay puno ng mga panuntunan at kuru-kuro ng tao. Sa gayon, hindi nagagawang mamagitan at gumawa ang Diyos sa kanila, at maaari lamang silang patuloy na mabuhay sa ilalim ng kontrol ng mga batas. Ang gayong mga tao ay walang kakayahang tumanggap ng papuri ng Diyos kailanman.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Hinggil sa Isang Normal na Espirituwal na Buhay

Palagi ninyong pinag-uusapan noon ang inyong espirituwal na kalagayan at ang mga espirituwal na bagay samantalang ipinagwawalang-bahala ang pagsasagawa ng maraming bagay sa tunay na buhay, at ipinagwawalang-bahala ang pagpasok ninyo sa mga ito. Araw-araw kayong sumulat, araw-araw kayong nakinig, araw-araw kayong nagbasa. Nanalangin pa kayo habang nagluluto: “O, Diyos! Nawa ay Ikaw ang maging buhay sa loob ko. Anumang mangyari ngayong araw, pagpalain Mo po ako at liwanagan. Anuman ang pagliwanagin Mo sa akin ngayong araw, tulutan Mong maunawaan ko ito sa sandaling ito, upang ang Iyong mga salita ay magsilbing aking buhay.” Nanalangin din kayo habang naghahapunan: “O, Diyos! Ipinagkaloob Mo sa amin ang pagkaing ito. Nawa ay pagpalain Mo kami. Amen! Tulutan Mo po kami na mabuhay nang naaayon sa Iyo. Nawa ay manahan Ka sa amin. Amen!” Pagkatapos ninyong maghapunan at habang hinuhugasan ang mga pinagkainan, sinimulan ninyong magngangawa: “O, Diyos, ako ang mangkok na ito. Ginawa kaming tiwali ni Satanas, at tulad lang ng mga mangkok na nagamit na at dapat linisin ng tubig. Ikaw ang tubig, at ang Iyong mga salita ang buhay na tubig na nagtutustos sa aking buhay.” Bago pa ninyo namalayan, oras na para matulog, at muli ninyong inumpisahang magngangawa: “O, Diyos! Pinagpala Mo ako at ginabayan ako sa buong maghapon. Ako ay tunay na nagpapasalamat sa Iyo. …” Ganito ninyo pinalipas ang inyong araw, at pagkatapos nakatulog na kayo. Karamihan ng tao ay nabubuhay kagaya nito araw-araw, at kahit ngayon, nagpapabaya sila sa aktwal na pagpasok, nagtutuon lamang ng pansin sa mapagkunwaring pananalita habang nananalangin. Ito ang buhay nila noon—ang dating buhay nila. At karamihan ay ganito; wala silang anumang aktwal na pagsasanay, at kakaunti lamang ang nararanasang tunay na pagbabago. Mapagkunwari lamang silang nagsasalita habang nananalangin, lumalapit sa Diyos sa pamamagitan lamang ng kanilang mga salita, ngunit kulang sila ng kalaliman sa kanilang pagkaunawa. Suriin natin ang pinakasimpleng halimbawa—ang paglilinis ng inyong tahanan. Nakikita ninyo na ang inyong tahanan ay makalat, kaya umuupo kayo roon at nananalangin: “O, Diyos! Masdan Mo ang katiwalian na ginawa ni Satanas sa akin. Ako ay kasingdumi ng tahanang ito. O, Diyos! Pinupuri Kita at pinasasalamatan nang tunay. Kung wala ang Iyong pagliligtas at kaliwanagan, hindi ko mapagtatanto ang katotohanang ito.” Umuupo lamang kayo roon at ngumangawa, nananalangin nang matagal, at pagkatapos ay kumikilos kayo na parang walang nangyari, na parang isa kayong ngumangawang matandang babae. Pinalilipas ninyo ang inyong espirituwal na buhay sa ganitong paraan nang walang anumang tunay na pagpasok sa realidad, nang may napakaraming paimbabaw na mga pagsasagawa! Ang pagpasok sa aktwal na pagsasanay ay kinasasangkutan ng tunay na buhay ng mga tao at ng mga praktikal nilang paghihirap—ito lamang ang paraan na nagbabago sila. Kung wala ang tunay na buhay, hindi maaaring magbago ang mga tao. Ano ang saysay ng mapagkunwaring pananalita sa panalangin? Kung walang pagkaunawa sa kalikasan ng mga tao, ang lahat ay pagsasayang ng oras, at kung walang landas sa pagsasagawa, ang lahat ay pagsasayang ng pagsisikap!

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagtalakay sa Buhay Iglesia at sa Tunay na Buhay

Maraming taong nananalangin nang walang katapusan “sa presensya ng Diyos.” Bagama’t ang mga panalangin ay palaging nasa kanilang mga labi, hindi sila talaga nabubuhay sa presensya ng Diyos. Ito lamang ang paraan kung saan mapapanatili ng gayong mga tao ang kanilang kalagayan sa presensya ng Diyos; lubos silang walang kakayahang gamitin ang kanilang puso upang makipag-usap sa Diyos sa lahat ng oras, at ni hindi nila magawang lumapit sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng pagdanas, sa pamamagitan man ng pagninilay, tahimik na pagmumuni-muni, o paggamit ng kanilang isipan upang makausap ang Diyos sa kanilang puso, sa pamamagitan ng pag-alaala sa pasanin ng Diyos. Nag-aalay lamang sila ng mga panalangin sa Diyos sa langit sa kanilang bibig. Wala ang Diyos sa puso ng karamihan sa mga tao, at naroon lamang ang Diyos kapag lumalapit sila sa Kanya; kadalasan, ni wala man lang doon ang Diyos. Hindi ba ito pagpapahayag na wala ang Diyos sa puso ng tao? Kung talagang nasa puso nila ang Diyos, magagawa ba nila ang mga bagay na ginagawa ng mga magnanakaw at ng mga hayop? Kung talagang nagpipitagan ang tao sa Diyos, iuugnay nila ang kanilang tapat na puso sa Diyos, at ang kanilang mga saloobin at ideya ay palaging magiging okupado ng mga salita ng Diyos. Hindi sila magkakamali sa pananalita o kilos, at hindi gagawa ng anuman na malinaw na kumakalaban sa Diyos. Gayon ang pamantayan ng pagiging isang mananampalataya.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Karanasan

Paano nagdarasal ang karamihan sa mga tao kapag dumaranas sila ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, pinupungusan at iwinawasto ng mga salita ng Diyos, at kinikilala ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon? Pare-pareho silang lahat, sinasabing, “Diyos ko, nagdurusa ako. Diyos ko, masyado akong nagdurusa.” Hindi ka ba nasusuklam sa mga salitang ito? Kapag humaharap ka sa Diyos, hindi ba talagang kailangan mong bigyan ka Niya ng kaliwanagan nang may kaunti pang iba? Hindi ba kailangan mo ng pananampalataya at lakas, o na maging pundasyon mo ang Diyos, bukod dito ay ang bigyang-liwanag at gabayan ka upang makatahak ka nang maayos sa landas pasulong? Hindi ba kailangan mo ang Kanyang pagdidisiplina at pagwawasto? Hindi ba kailangan mo ang Kanyang patnubay? Kailangan mo lamang bang pagaanin Niya ang iyong paghihirap? Talagang lanta ang kalooban ng mga tao, at kaawa-awa ang kondisyon! Ang hindi pagkaalam sa kung paano magdasal ay maaaring tila maliit na isyu lamang, ngunit ang totoo, kapag inarok mo ang maliit na isyung ito at sinuring mabuti ang diwa nito, makikita mong hinding-hindi ito maliit na bagay. Ipinapakita nito na bilang isang tao, wala kang anumang uri ng buhay na masasabi, at sa anong buhay man mayroon ka, bihirang-bihira kang makipag-ugnayan sa Diyos. Sa pagitan mo at ng Diyos, talagang hindi ka pa nakapagtatag ng uri ng relasyon na dapat umiiral sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga alagad o sa pagitan ng mga nilikhang bagay at ng kanilang Lumikha. Kapag nahaharap ka sa isang problema, nagdedesisyon ka batay sa mga pansarili mong palagay, kuru-kuro, iniisip, kaalaman, kaloob at talento, at mga tiwaling disposisyon; wala kang kinalaman sa Diyos, kaya kapag humaharap ka sa Kanya, wala kang masabi sa Kanya kailanman. Ito ang nakalulungkot na kalagayan ng mga taong naniniwala sa Diyos! Lubhang kaawa-awa ang kondisyong ito! Sa loob, tuyot at manhid ang mga tao; wala silang nararamdaman pagdating sa mga bagay na ito, ni wala silang anumang pagkaunawa tungkol sa mga ito. Kapag humaharap sila sa Diyos, wala silang masabi. Nasaan ka mang uri ng sitwasyon, anumang suliranin ang hinaharap mo, at anumang mga paghihirap ang nararanasan mo, kung wala kang masabi sa harap ng Diyos, hindi ba kaduda-duda ang pananampalataya mo? Hindi ba ito ang kaawa-awang mukha ng mga tao? Matapos maniwala sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, kailangan mo pa ring muling pag-aralan kung paano magdasal, hindi ka pa rin marunong magdasal, at tuwing nahaharap ka sa isang problema, kung hindi ka basta na lamang sumisigaw ng mga sawikain at matibay na nagpapasya, ay nagrereklamo ka sa Diyos at ipinararating ang iyong mga hinaing, sinasabi kung paano ka nagdurusa, o kaya naman ay nangangatwiran ka at ipinagtatanggol mo ang iyong sarili habang nagtatapat ka. Hindi na nakapagtatakang napakabagal ninyong pumasok sa katotohanan.

Hinango mula sa “Ginagawa Lamang Nila ang Kanilang Tungkulin upang Maitangi ang Kanilang mga Sarili at Magatungan ang Kanilang Sariling Mga Kapakanan at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Kapakanan ng Bahay ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Kapakanang Iyon Kapalit ng Personal na Kaluwalhatian (IX)” sa Paglalantad sa mga Anticristo

Wala nang higit pang kinamumuhian ang Diyos kaysa sa mga dalangin sa seremonyang panrelihiyon. Ang mga dalangin sa Diyos ay tinatanggap lamang kapag taos-puso ang mga ito. Kung wala kang sasabihing taos-puso, kung gayon ay manahimik; huwag kang palaging magsalita ng mga kasinungalingan at sumumpa nang nagbubulag-bulagan sa harap ng Diyos, sinusubukan Siyang linlangin, nagsasabi kung gaano mo Siya kamahal, kung gaano ka nagnanais na maging tapat sa Kanya. Kung hindi mo kayang makamit ang iyong mga ninanasa, kung wala ka ng ganitong paninindigan at tayog, huwag kang manalangin nang ganoon sa harap ng Diyos, anuman ang sitwasyon. Iyan ay pangungutya. Ang ibig sabihin ng pangungutya ay ginagawa mong katawa-tawa ang isang tao at pinaglalaruan mo siya. Kapag nananalangin ang mga tao sa harap ng Diyos nang may ganitong uri ng disposisyon, sa paano mang paraan, ito ay panlilinlang. Ang pinakamalala, kung madalas mo itong ginagawa, talagang kasumpa-sumpa ang pagkatao mo. Kung isusumpa ka ng Diyos, tatawagin iyong kalapastanganan! Walang pagpipitagan ang mga tao sa Diyos, hindi nila alam kung paano igalang ang Diyos, o kung paano Siya mahalin at bigyang-kasiyahan. Kung hindi malinaw sa kanila ang katotohanan, o tiwali ang kanilang disposisyon, palalampasin ito ng Diyos. Ngunit ipinapakita nila ang gayong pagkatao sa harap ng Diyos, at itinatrato ang Diyos tulad ng pagtrato ng mga walang pananampalataya sa ibang mga tao. Bukod pa riyan, taimtim silang lumuluhod sa Kanyang harapan sa pananalangin, gamit ang mga salitang ito upang subukang linlangin ang Diyos, at kapag tapos na sila, hindi lamang sila walang nadaramang pagsisisi, ngunit hindi rin nila nadarama ang kaseryosohan ng kanilang mga pagkilos. Dahil diyan, kasama ba nila ang Diyos? Ang isang tao bang lubos na walang presensya ng Diyos ay maliliwanagan at matatanglawan? Maliliwanagan ba sila ng katotohanan? (Hindi, hindi maaari.) Kung gayon ay may problema sila. Maraming beses ka na bang nanalangin sa gayong paraan? Madalas mo bang ginagawa iyon? Kapag masyadong matagal ang panahong ginugugol ng mga tao sa panlabas na mundo, naaamoy sa kanila ang baho ng lipunan, nadaragdagan ang kanilang likas na karumihan, at napupuno sila ng mala-satanas na mga lason at mga pamamaraan ng pamumuhay; ang namumutawi sa kanilang bibig ay puro kasinungalingan at panlilinlang, nagsasalita sila nang hindi nag-iisip, o kung hindi man ay nagsasalita sila ng mga salitang palaging walang laman kundi sarili nilang mga motibo at mithiin, at bihirang may wastong mga motibo. Seryoso ang mga problemang ito. Kapag dinala ng mga tao ang mala-satanas na pilosopiya at paraan ng pamumuhay na ito sa harap ng Diyos, hindi ba nila nilalabag ang disposisyon ng Diyos? At ano ang kahihinatnan nito? Sa tingin, ang mga panalanging ito ay mga pagtatangkang linlangin at lokohin ang Diyos, at hindi nakaayon sa Kanyang kalooban at mga kinakailangan. Sa simula, ito ay sanhi ng likas na pagkatao ng tao; hindi ito panandaliang paghahayag ng katiwalian.

Hinango mula sa “Kapag Kilala Mo ang Iyong Sarili, Saka Mo Lamang Hahangaring Matamo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Leave a Reply