Ano ang isang walang pananampalataya at paano sila nagpapamalas

Abril 20, 2018

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang manampalataya sa lahat ng mga salita ng Diyos at sa lahat ng gawain Niya. Ibig sabihin, yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang sumunod sa Kanya. Kung hindi mo kayang gawin ito, kung gayon ay hindi mahalaga kung naniniwala ka sa Diyos o hindi. Kung naniniwala ka sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi mo Siya kailanman sinunod, at hindi mo tinatanggap ang kabuuan ng mga salita Niya, at sa halip ay hinihingi mo sa Diyos na magpasakop Siya sa iyo at kumilos Siya ayon sa mga kuru-kuro mo, kung gayon ay ikaw ang pinakamapanghimagsik sa lahat, isa kang hindi mananampalataya. Paano makasusunod ang ganitong mga tao sa gawain at mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos

Sa kanilang paniniwala sa Diyos, kung ang mga tao ay walang pusong nagpipitagan sa Diyos, kung wala silang pusong masunurin sa Diyos, hindi lamang sila hindi makakagawa ng anumang gawain para sa Kanya, kundi bagkus ay magiging mga taong gumagambala sa Kanyang gawain at sumusuway sa Kanya. Ang paniniwala sa Diyos ngunit hindi sumusunod o nagpipitagan sa Kanya, at sa halip ay nilalabanan Siya, ang pinakamalaking kahihiyan para sa isang nananampalataya. Kung natural at walang pagpipigil ang pananalita at pag-uugali ng mga mananampalataya na tulad ng mga walang pananampalataya, mas masama pa sila kaysa mga walang pananampalataya; sila ay napakatipikal na mga demonyo.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan

Mayroong ilang tao na ang paniniwala ay hindi kailanman kinikilala sa puso ng Diyos. Sa madaling salita, hindi kinikilala ng Diyos na mga alagad Niya sila, dahil hindi Niya pinupuri ang kanilang paniniwala. Para sa mga taong ito, ilang taon man nila nasunod ang Diyos, hindi kailanman nagbago ang kanilang mga ideya at pananaw; para silang mga hindi mananampalataya, sumusunod sa mga prinsipyo at paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ng mga hindi mananampalataya at sa mga batas para patuloy na mabuhay at pananampalataya. Hindi nila kailanman tinanggap ang salita ng Diyos bilang kanilang buhay, hindi kailanman naniwala na ang salita ng Diyos ay katotohanan, hindi kailanman nilayon na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, at hindi kailanman kinilala ang Diyos bilang kanilang Diyos. Ang tingin nila sa paniniwala sa Diyos ay libangan ng baguhan, na tinatrato Siya bilang isang espirituwal na pagkain lamang; sa gayon, hindi nila iniisip na mahalagang subukan at unawain ang disposisyon o diwa ng Diyos. Masasabi na lahat ng tumutugma sa tunay na Diyos ay walang kinalaman sa mga taong ito; hindi sila interesado, ni hindi sila mag-aabalang makinig. Ito ay dahil sa kaibuturan ng kanilang puso, mayroong isang malakas na tinig na laging nagsasabi sa kanila, “Ang Diyos ay hindi nakikita at hindi nahihipo, at hindi umiiral.” Naniniwala sila na ang pagsisikap na unawain ang ganitong uri ng Diyos ay pagsasayang ng kanilang pagsisikap, at na niloloko lamang nila ang kanilang sarili sa paggawa nito. Naniniwala sila na sa pamamagitan lamang ng pagkilala sa Diyos sa mga salita nang walang anumang tunay na paninindigan o pamumuhunan ng kanilang sarili sa anumang tunay na mga kilos, medyo matalino sila. Ano ang tingin ng Diyos sa gayong mga tao? Ang tingin Niya sa kanila ay mga hindi mananampalataya. Tinatanong ng ilang tao, “Maaari bang basahin ng mga hindi mananampalataya ang mga salita ng Diyos? Maaari ba nilang sambitin ang mga salitang, ‘Mabubuhay ako para sa Diyos’?” Ang madalas makita ng mga tao ay ang pagkukunwaring ipinapakita ng mga tao sa panlabas; hindi nila nakikita ang diwa ng mga tao. Gayunman, hindi tinitingnan ng Diyos ang mga paimbabaw na mga pagpapakitang ito; ang tanging nakikita Niya ay ang diwa sa kanilang kalooban. Sa gayon, ito ang klase ng saloobin at paglalarawan ng Diyos sa mga taong ito.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Marami ang nagsasabi na naniniwala sila sa Diyos at nagwiwika ng mga salita ng papuri sa Diyos—ngunit, sa kanilang mga puso, hindi nila iniibig ang mga salitang winiwika ng Diyos, ni hindi rin sila interesado sa katotohanan. Sa kanilang mga puso ay palagi nilang pinaniniwalaan na magiging normal lamang sila, at magagawang protektahan ang kanilang sarili, kung mamumuhay sila sa mga pilosopiya ni Satanas at iba pang mga doktrina ng mundo sa labas, na ang ganitong pamumuhay lamang ang magbibigay ng halaga sa kanilang mga buhay sa mundong ito. Ganito ba ang taong naniniwala sa Diyos at sumusunod sa Kanya? Ang lahat ng kasabihan ng mga kilala at dakilang tao ay talagang masasabing pilosopikal at partikular na may kakayahang makapanlinlang ng mga tao. Kung ituturing mo ang mga ito bilang katotohanan at susundin ang mga ito bilang mga kasabihan, ngunit, pagdating sa mga salita ng Diyos, sa pinakakaraniwang mga salita ng Diyos, na humihiling na maging tapat kang tao, na manatili kang masigasig sa kalagayang inilaan sa iyo at isakatuparan ang tungkulin ng isang nilikha, at manatili kang matatag—wala kang kakayahang maisagawa ang mga ito, at hindi mo itinuturing ang mga ito na katotohanan, kung gayon ay hindi ka tagasunod ng Diyos. Maaaring sinasabi mong isinagawa mo ang mga salita Niya, ngunit paano kung pilitin ka ng Diyos na magsabi ng katotohanan at itanong Niya ang mga ito: “Ano ang iyong isinagawa? Sino ang nagwika ng mga salita na iyong isinasagawa? Ano ang batayan ng mga prinsipyong iyong sinusunod?” Kung ang batayang iyon ay hindi ang mga salita ng Diyos, kung gayon ito ay mga salita ni Satanas; ang iyong isinasabuhay ay mga salita ni Satanas, ngunit sinasabi mo pa ring ginagawa mo ang katotohanan at ang nagbibigay-kasiyahan sa Diyos, hindi ba ito paglapastangan sa Kanya? Sinasabi ng Diyos na dapat maging tapat ang mga tao, ngunit mayroong mga hindi nag-iisip nang mabuti kung ano ang nakapaloob sa pagiging tapat, paano nila dapat isagawa ang katapatan, o alin sa mga bagay na isinasabuhay at ibinubunyag nila ang hindi tapat, at alin sa mga ito ang tapat. Hindi nila pinagmumunihan ang katuturan ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, ngunit nakahahanap ng libro ng mga hindi mananampalataya, at, kapag nabasa ito, sinasabi nila, “Ang mga ito ay mabubuting salita—mas mainam pa kaysa sa sinabi ng Diyos. ‘Ang mga tapat na tao ay laging mamamayani’—hindi ba iyan katulad sa sinabi ng Diyos? Ito rin ang katotohanan!” Kaya sumusunod sila sa mga salitang ito. Ano ang isinasabuhay nila kapag sumusunod sila sa mga salitang ito? Nagagawa ba nilang isabuhay ang realidad ng katotohanan? Marami bang ganyang mga tao? Nagkakamit sila ng kaunting kaalaman, nagbabasa ng ilang libro, at nagkakamit ng maliit na kabatiran, at nakaririnig sila ng ilang kilalang kawikaan o tanyag na kasabihan at itinuturing ang mga ito bilang katotohanan. Kumikilos sila ayon sa mga salitang ito, at ginagamit ang mga ito sa kanilang mga tungkulin at sa kanilang mga buhay ng paniniwala sa Diyos, at iniisip pa nga nila na nagbibigay-kasiyahan ito sa Kanya. Hindi ba ito pandaraya? Hindi ba ito panlilinlang? Ito ay kalapastanganan! Marami nito sa mga tao. Sumusunod sila sa mga masarap pakinggan at tila wastong doktrina ng mga tao na para bang ang mga ito ang katotohanan. Isinasantabi nila ang mga salita ng Diyos at hindi dinirinig ang mga ito, at, kahit ilang beses nilang basahin ang mga ito, hindi nila isinasapuso ang mga ito o itinuturing ang mga ito na katotohanan. Ang gumagawa ba nito ay isang taong naniniwala sa Diyos? Sumusunod ba sila sa Diyos? Ang ganyang tao ay naniniwala sa relihiyon; sinusunod nila si Satanas! Sa puso nila, iniisip nila na may pilosopiya sa mga salitang winiwika ni Satanas, na ang mga salitang ito ay may malalim na kahulugan, na ang mga ito ay mga banal na kasulatan, matalinong mga kasabihan, at, ano pa man ang kanilang itakwil, hindi nila magagawang isantabi ang mga salitang ito. Ang paggawa nito, para sa kanila, ay parang pagkawala ng kanilang buhay, o pagdukot sa kanilang puso. Anong uri ito ng tao? Ito ay taong sumusunod kay Satanas.

Hinango mula sa “Ang Paniniwala sa Relihiyon ay Hindi Kailanman Hahantong sa Kaligtasan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

May pakiramdam ng budhi ang mga taong totoong naniniwala sa Diyos, nagtitiwala silang katotohanan ang mga salita ng Diyos, na tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at sa kapakinabangan ng tao. Kung may nagagawa silang anumang kamalian at nalalabag ang katotohanan, nakadarama sila ng pakiramdam ng paninisi, pagkakautang, at pagkahapis sa kaibuturan ng kanilang mga puso. At para sa mga yaon na hindi totoong naniniwala sa Diyos, isaisantabi natin ang tanong kung may pakiramdam ba sila ng budhi, at unahing pag-usapan ang tungkol sa kanilang saloobin patungkol sa pag-iral ng Diyos at ng mga salita Niya. Bilang panimula, ano ang pananaw nila sa pag-iral ng Diyos? “Sinasabi ninyong umiiral ang Diyos—ngunit nasaan Siya? Hindi ko Siya nakikita. Hindi ko alam kung may Diyos o wala. Sinasabi ng yaong mga naniniwala sa Kanya na mayroon, yaong mga hindi ay sinasabing wala.” Ganito ang kanilang pananaw. Ngunit, sa ibayo pang paglilimi, iniisip nila, “Naniniwala ang lahat ng mga taong ito sa Kanya at nagpapatotoo sa Kanya, kaya may Diyos marahil. Umaasa akong mayroon nga; kung mayroon man, makapandadaya ako at magiging pinagpala. Nakapusta sana ako nang tama.” Nakikisabay lamang sila nang walang pakikilahok, nagbabakasaling may matamong mabuti, nakikipagsapalaran. Hindi nila iniisip na may kung ano silang pagbabayaran. Ganito ang saloobin at pananaw nila patungkol sa kung umiiral ang Diyos: “Umiiral ba ang Diyos o hindi? Hindi ko masabi. Nasaan ba talaga Siya? Talagang hindi ko alam. Napakaraming tao ang nagpapatotoo, ngunit tama ba ito o mali? Hindi ko rin ito masabi.” Sa kanilang mga isip, may mga tandang pananong tungkol sa lahat ng ito; hindi sila nakatitiyak, at kaya nag-aalinlangan sila. At sa gayong pag-aalinlangan at kawalang katiyakan, ano ang kanilang saloobin patungkol sa mga salita ng Diyos kapag nagsasalita Siya, at ipinahahayag ang katotohanan? Tinatanggap ba nila bilang katotohanan ang mga salita ng Diyos? Kung minsan, maaaring makikinig sila dala ng pagiging mausisa, upang sumandaling pagnilayan ang mga ito, at, pagkaraang gawin ito, iisipin nila, “Ang mga salitang ito ba ang katotohanan? Ipinalalagay na naglalaman ang mga ito ng kapangyarihan at awtoridad—bakit hindi ko iyan naririnig o nagkakaroon ng anumang pakiramdam nito? Tila lumalabas na maaari nilang baguhin ang mga tao—kaya bakit hindi pa nila ako binabago? Ibig ko pa ring kumain at matulog. Mayayamutin pa rin ako tulad ng dati, at hindi ako naging higit na may kakayahan sa anuman. Natatakot pa rin ako kapag nagpapataw ang malaking pulang dragon ng pag-uusig nito. Hindi ako naging mahigit sa tao! Ipinalalagay na ang mga salita ng Diyos ang realidad ng lahat ng tahas na mga bagay. Ano ang isang tahas na bagay? Ito ay ang paghingi na maging mabuti at tapat ang mga tao. Mga hangal ang mga taong tapat. Hinihingi sa mga tao na matakot sa Diyos at iwaksi ang masama. Nangangahulugan ito na kapag gumagawa ka ng masama, kailangan mong supilin ang iyong sarili, dapat kang magpataw ng mga paghihigpit sa iyong sarili, at huwag gumawa ng masasamang bagay—ilang mga tao ang makakayang gumawa niyan? Kalikasan ng tao na gumawa ng masasamang bagay, na maging makasarili. Kani-kaniya, at walang pag-aalintana sa iba. Walang sinuman sa mundo ang nag-iisip sa kaninuman maliban sa kanilang mga sarili. Nasa mga kamay mo ang iyong kapalaran; nasa sa iyo ang pagpupunyagi para sa kaligayahan. Kung nagsasagawa ang lahat ng mga salita ng Diyos, natatakot sa Diyos at iniiwasan ang masama, hindi kaya magiging mga asetikong monghe at mga madre ang mga tao sa mundo? Ano ang magiging masaya sa pamumuhay, kung gayon?” Hindi ba’t ito ang kanilang saloobin patungkol sa katotohanan sa kaibuturan ng kanilang mga puso? “Kung hindi magpupunyagi at makikipaglaban ang mga tao para sa kanilang mga sarili, kung hindi sila mabubuhay para sa yaman at pagkilala, kung gayon ay anong kahulugan magkakaroon ang buhay?” Gayon ang pananaw ng gayong mga tao—ng mga hindi naniniwala. Ito ang saloobin ng mga hindi naniniwala patungkol sa katotohanan. Sa kanilang mga puso, hindi nila alam kung ano ang katotohanan; hindi katumbas ng katotohanan ang mga salita ng Diyos, at hindi katumbas ng katotohanan ang buhay. Ano ba ang itinuturing nila bilang katotohanan, sa kaibuturan ng kanilang mga puso? Isang bagay na makakaya silang gawing kahima-himala, na makapagbibigay sa kanila ng mga kakayahang makagawa ng anuman, at magagawa silang likas na magaling, isang bagay na may pisikal na pakinabang sa kanila, na makakayang gawing higit na masaya ang kanilang mga buhay nila, na makakayang maging pinakamalaking posibleng pakinabang sa kanila—iyan ay ang katotohanan. Iniisip nila: Labis na pangkaraniwan itong mga salita ng Diyos; mga walang halaga lamang ang mga ito, hindi nararapat banggitin. Ang paghingi na maging tapat ang mga tao, matakot sila sa Diyos at umiwas sa masama, pawalan ang kanilang mga sarili ng mga tiwaling disposisyon—napakahirap niyon. Walang sinumang makagagawa nito! Hindi namumuhay sa kahungkagan ang mga tao; may napakarami silang pagnanasa at damdamin. Walang sinumang maaaring isabuhay ang mga salitang ito. Ang mga hindi naniniwala ay hindi naniniwala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan; hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ay ang buhay, lalong hindi sila naniniwala na makakayang baguhin ng mga salita ng Diyos ang tadhana ng sangkatauhan, o makakayang baguhin ng mga salita ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at tulutan silang itakwil ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Iyan ang kanilang saloobin patungkol sa mga salita ng Diyos. At kaya, sa kaibuturan ng kanilang mga puso, hindi nila kailanman tinanggap na ang katotohanan ang mga salita ng Diyos, o hindi nila kailanman tinanggap ang mga ito bilang katotohanan. Sa kabuuan, hindi nila tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang buhay nila, bilang tunguhin at layunin ng kanilang pag-iral at ng kanilang pag-uugali. Makakaya ba ng mga yaong hindi tinatanggap na katotohanan ang mga salita ng Diyos na maniwala sa pag-iral ng Diyos? Totoo ba silang naniniwala sa pag-iral ng Diyos? (Hindi.) Makakaya ba ng mga yaong hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos na maniwala na may katotohanan din sa mundong ito? Makakaya ba ng yaong hindi naniniwala sa pag-iral ng katotohanan na maniwala na maililigtas ang sangkatauhan? (Hindi.) Kung hindi sila naniniwala sa alinman sa mga iyan, makakaya ba nilang maniwala sa katunayan ng pagkakatawang-tao ng Diyos? Makakaya ba nilang maniwala sa plano ng pamamahala ng Diyos? (Hindi.) Mga sagad-sagarin silang hindi naniniwala.

Hinango mula sa “Ang Kinakailangan sa Pagganap ng Tungkulin Nang Mabuti, Kahit Papaano, ay Konsensiya” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Sinasamba ng ilang tao ang mga luminaryo at dakilang tao, palaging pinagdududahan kung talaga bang makapagliligtas ng mga tao ang mga salita ng Diyos. Palagi nilang iniisip na ang mga salita lamang ng mga luminaryo at dakilang tao ang makabuluhan at mataas ang antas. Palagi nilang iniisip, “Tingnan mo kung gaano kamakapangyarihan ang pinuno ng ating bansa! Tingnan mo ang mga kumperensiyang dinaraos ng ating bansa—ang karangyaang iyon, ang awrang iyon, ang istilong iyon—paano kaya maihahambing doon ang sambahayan ng Diyos?” Kung sa iyong pananaw, sa anumang paraan ay hindi makapapantay ang sambahayan ng Diyos sa mga lupain ng mga walang pananampalataya, at hindi kasing buti ng sa anumang bansa, at ang mga tao rito ay hindi kasing buti ng sa mga nasa ibang pangkat, at ang mga atas administratibo nito ay hindi kasing buti ng sa mga institusyon at batas ng anumang bansa—kung palagi kang may ganoong mga pananaw, kung gayon ay bakit naniniwala ka pa rin sa Diyos? Paano mo ba talaga isinasaalang-alang ang lahat ng mga salitang ipinahahayag ng Diyos? Paano mo isinasaalang-alang ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat? Higit pa sa paggalang ang kulang sa iyo, kundi pati respeto. Hindi ba’t ang gayong tao ay walang pananampalataya? Hindi ba’t dapat paalisin ang gayong tao sa lalong madaling panahon? (Dapat.) At paano kung hindi siya umalis? Paalisin mo siya sa lalong madaling panahon—itaboy mo siya na para bang nagpapalayas ng maruruming langaw. Sa sambahayan ng Diyos, naghahari ang katotohanan, at naghahari ang Diyos, at ginagawa ang mga bagay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ang gayong mga tao ay dapat maitaboy. Payag ba kayong magkaroon ng gayong mga walang pananampalataya sa kalagitnaan ninyo, na nagsasabing naniniwala sila sa Diyos habang minamaliit nang ganoon ang sambahayan ng Diyos at minamaliit ang Diyos? (Hindi.) Iyon ang dahilan kung bakit dapat silang alisin agad. Gaano man kahusay ang kanilang mga kakayahan, dapat silang itaboy. Ito ba ay kawalan ng galang o kawalan ng malasakit? (Hindi.) Ito ay paggawa sa mga bagay alinsunod sa mga prinsipyo. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Gaano man kadakila ang iyong tayog, gaano man katindi ang determinasyon mong hanapin ang katotohanan, o kung mayroon ka mang pananampalataya sa Diyos, may isang bagay na tiyak at walang anumang pag-aalinlangan—si Cristo, ang Diyos, ay ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Ito ay hindi mababago magpakailanman, ito dapat ang maging saligan sa puso ng bawat tao, ang pinakamatibay na pundasyon para sa kanilang paniniwala sa Diyos. Dapat itong maging tiyak at walang anumang pag-aalinlangan sa loob ng iyong puso. Kung maging ito ay pinag-aalinlanganan mo, kung gayon ay hindi ka karapat-dapat na manatili sa pamilya ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Mga dakila kaming tao, at kami ay isang marangal na lahi. Ang aming lahi, ang aming mga kaugalian, at ang aming kultura ay walang kapantay sa dangal, mas marangal pa maging sa mga salita ni Cristo at ng katotohanan.” Hindi ba’t ito ang tinig ng isang walang pananampalataya? Ito ang tinig ng isang walang pananampalataya, at ang ganitong klase ng tao ay dapat alisin at hindi pahintulutang manatili. Kung minsan, ang isang tao ay pansamantalang nasa isang kalagayan o mayroong isang isipin, ngunit totoo ang kanyang pananampalataya sa Diyos. Medyo hangal ang gayong mga tao—maaaring hindi nila kayang unawain ang mga bagay-bagay, o maaaring nalinlang sila, o, dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, sa isang sandali ng kahangalan ay nagsasalita o kumikilos sila sa paraang nalilito. Ang lahat ng ito ay mga resulta ng isang tiwaling disposisyon, ng kahangalan at ng kamangmangan, at ng hindi pag-unawa sa katotohanan, ngunit ang gayong mga tao ay hindi kauri ng mga walang pananampalataya. Kailangan nilang maunawaan ang katotohanan at mabahagian tungkol sa katotohanan upang malutas ang mga problemang ito. Ang ilang tao ay kauri ng mga walang pananampalataya, at ang mga taong ito ay hindi mga miyembro ng pamilya ng Diyos.

Hinango mula sa “Ang Pagkakaroon ng Wangis ng Tao ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtupad ng Iyong Tungkulin Nang Buong Puso, Isip, at Kaluluwa” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Higit sa lahat, may isang katotohanang dapat mong maunawaan sa iyong pananampalataya sa Diyos: Ang paniniwala sa Diyos ay hindi lamang nangangahulugan ng paniniwala sa pangalan ng Diyos, lalong hindi ito pagkakaroon ng pananampalataya sa malabong Diyos ng iyong imahinasyon. Sa halip, kailangan mong maniwala na ang Diyos ay totoo, dapat kang maniwala sa diwa ng Diyos, sa Kanyang disposisyon, at sa kung ano ang mayroon Siya at kung sino Siya; kailangan mong maniwala sa katotohanan na ang Diyos ang namamahala sa tadhana ng sangkatauhan, at Siya ang namamahala sa iyong tadhana. Kaya ano ang itinuturing na pananampalataya? Wala ba itong isang panig kung saan dapat talagang makipagtulungan dito ang mga tao at isagawa ito? Halimbawa, nababalisa ang ilang tao sa isang sitwasyong sumapit sa kanila, at nagiging sanhi ito ng ilang maliit na espirituwal na kaligaligan, at iniisip nila sa kanilang sarili, “Si ganito at ganoon ang dapat sisihin sa nangyari sa akin. Kung hindi niya ako hinanapan ng mali, hindi sana ito masyadong nakakahiya.” Naghahanap sila ng mga palusot, at sa huli ay isinisisi iyon sa iba, na nagpapagaan sa kanilang loob, at pagkatapos ay inaakala nila na nalutas na ang problema, na tapos na ang paghihirap. Ano ang palagay mo sa pamamaraang ito ng paglutas ng mga problema? Makakamit ba ng isang tao ang katotohanan sa ganitong pagsasagawa? Nagpapakita ba ito ng saloobin ng pagkamasunurin sa Diyos? Sa anong pananaw, at sa paanong kaparaanan, naniniwala ang gayong mga tao sa Diyos? Naiangkop na ba nila ang mga salitang “Ang Diyos ang namamahala sa tadhana ng sangkatauhan, lahat ng bagay at lahat ng pangyayari ay nasa Kanyang mga kamay” sa kanilang pang-araw-araw na buhay? Kapag sinuri nila ang problema gamit ang pag-iisip ng tao, kapag tinugunan nila ang usapin gamit ang kaparaanan ng tao, naniniwala ba sila sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, nagpapasakop ba sila sa kataas-taasang kapangyarihan at plano ng Diyos sa mga tao, usapin, at bagay-bagay? (Hindi.) Una, hindi sila nagpapasakop; at pangalawa, gumagawa sila ng mas malaki pang pagkakamali: Hindi nila matanggap mula sa Diyos ang sitwasyon at mga tao, usapin, at bagay-bagay na ipinaplano Niya para sa kanila; tinitingnan lamang nila ang hitsura nito. Tinitingnan lamang nila kung ano ang hitsura ng sitwasyon mula sa labas, pagkatapos ay sinusuri nila ito gamit ang kanilang pag-iisip bilang tao at sinusubukang lutasin ito sa mga pamamaraan ng tao. Hindi ba ito isang malaking pagkakamali? (Oo.) Paano nangyari iyon? Hindi sila naniniwala na lahat ay pinamamahalaan ng Diyos. Iniisip nila sa kanilang sarili, “Lahat ay pinamamahalaan ng Diyos? Maaari bang mamahala ang Diyos sa napakaraming bagay? Iyan ang pikit-matang aplikasyon ng doktrina. Iba ang nangyari sa akin, eksepsyon iyon!” Eksepsyon ito, eksepsyon iyon. Sa kanilang mga mata, lahat ay isang eksepsyon; wala ni isang bagay ang pinamamahalaan ng Diyos, lahat ay nagmumula sa tao. Pananampalataya ba ito sa Diyos? Sinasalamin ba nito ang diwa ng pananampalataya sa Diyos? Hindi sila naniniwala na maaaring pamahalaan ng Diyos ang lahat o na maaaring planuhin ng Diyos ang lahat ng bagay, lahat ng kaganapan, at lahat ng sitwasyon. Hindi nila matanggap ang mga bagay na ito mula sa Diyos. Pakiramdam nila ay basta na lamang nangyayari ang lahat ng sitwasyong ito, na sanhi ang mga ito ng mga kilos ng tao at hindi ipinlano ng Diyos. Kaya ano ang diwa ng kanilang paniniwala? Sila ay mga walang pananampalataya! Ang pananaw ng mga walang pananampalataya ay na hindi kailanman tanggapin ni isa mang bagay mula sa Diyos, kundi sa halip ay gamitin ang mga pananaw, pag-iisip, at mga pamamaraan ng tao upang pag-isipang maigi at pahirapan ang kanilang utak upang makayanan nila ang anumang maranasan nila. Ito ang ginagawa ng isang walang pananampalataya. Kapag nakatagpo kayo ng ganitong klaseng tao sa hinaharap, dapat kayong magkaroon ng kaunting paghiwatig tungkol sa kanila. Ang mga walang pananampalataya ay mahusay sa paggamit ng kanilang utak at pagbubuo ng mga ideya kapag nagkaroon ng mga isyu; palagi nilang pinag-aaralan ang usapin, sinisikap na lutasin iyon gamit ang mga pamamaraan ng tao, at mahilig silang mangatwiran at gumamit ng mga pilosopiya ni Satanas o ng batas. Hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, lalo nang hindi sila naniniwala na ang Diyos ang namamahala sa lahat ng bagay, o na lahat ay gawa ng Diyos. Hindi nila natanggap kailanman mula sa Diyos ang anumang klaseng sitwasyong naiplano Niya o anumang nangyari sa paligid nila. Karaniwan ay ipinipilit nila na naniniwala silang ang kapalaran ng sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos at handa silang magpasakop sa Kanyang pamumuno at Kanyang mga pagsasaayos. Gayunman, hindi iyon ang kanilang pinaniniwalaan kapag nakakatagpo sila ng isang isyu, hindi ganoon kung paano nila nauunawaan ang mga bagay-bagay, at hindi sila kailanman sumusunod sa gayong paraan. Ito ang kung ano ang isang di-mananampalataya.

Hinango mula sa “Malulutas Lamang ang mga Tiwaling Disposisyon sa pamamagitan ng Paghahanap sa Katotohanan at Pagtitiwala sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Kapag may nangyayaring mga bagay, ang ilang tao ay palaging mapanuri sa iba at sa mga pangyayari. Isa itong malaking problema. Palagi nilang iniisip na nagiging malupit sa kanila ang iba, o na sinasadya ng iba na gawing mahirap para sa kanila ang mga bagay-bagay, o may nakikita silang mga pagkakamali sa ibang tao. Hindi ba’t may pagkiling ito? Hindi sila nagsisikap sa katotohanan, at palagi nilang sinusubukang iwasan ang kahihiyan at hinahangad na mabigyang-katwitran sa harap ng o sa gitna ng iba, at palagi nilang nais na gumamit ng mga pamamaraan ng tao upang maitama ang mga bagay-bagay. Ito ang pinakamalaking hadlang sa pagpasok sa buhay. Kung kikilos ka sa ganitong paraan, magsasagawa sa ganitong paraan, at maniniwala sa Diyos sa ganitong paraan, hindi mo kailanman magagawang makamit ang katotohanan, dahil hindi ka kailanman humarap sa Diyos. Hindi ka kailanman humarap sa Diyos upang tanggapin ang lahat ng inihanda Niya sa harap mo, hindi mo kailanman ginamit ang katotohanan upang lutasin ito. Sa halip, nais mong gamitin palagi ang mga pamamaraan ng tao upang lutasin ito. Tulad ng nakikita ng Diyos, napakalayo mo sa Kanya—hindi lamang malayo sa Kanya ang iyong puso, kundi ang kabuuan ng iyong pagkatao ay hindi namumuhay sa Kanyang presensiya. Ganito nakikita ng Diyos ang mga tao na mapanuri sa iba at sa mga pangyayari. Ang ilang tao ay magaling magsalita at mabilis mag-isip. Iniisip nila, “Mahusay akong tagapagsalita. Kapag nasa paligid ako ng ibang tao, kinaiinggitan at hinahangaan nila akong lahat. Itinataas nila ako, at sa pangkalahatan, sinusunod nila ako.” May anumang silbi ba ito? Naitaguyod ang iyong katanyagan sa gitna ng ibang tao, subalit kapag nasa harap ka ng Diyos, palagi ka Niyang babalewalain. Sasabihin Niya na isa kang walang pananampalataya at na napopoot ka sa katotohanan. Umaasal ka sa gitna ng iba sa paraang suwabe at matalino, at kaya mong pakitunguhan ang sinuman, at napakahusay mo sa pamamahala ng mga bagay-bagay, at kaya mong makasundo ang sinuman—subalit, sa huli, sa gayong pagtasa ng Diyos, ikaw ay tatapusin. Walang magandang kalalabasan para sa iyo, at itatakda ang iyong kapalaran. Sasabihin ng Diyos: “Ito ay isang walang pananampalataya, iwinawagayway ang bandila ng paniniwala sa Diyos upang makakamit ng mga pagpapala. Ang taong ito ay napopoot sa katotohanan. Hindi siya kailanman gumawa ng anumang pagsisikap sa katotohanan, ni hindi niya kailanman tinanggap ang katotohanan.” Ano ang palagay mo sa ganitong klase ng pagtasa? Ito ba ay isang bagay na nais ninyo? Tiyak na hindi. Marahil walang pakialam ang ilang tao, sinasabing, “Ano naman ngayon? Hindi naman natin nakikita ang Diyos. Ang ating pinakamalinaw na isyu ay ang makasundo ang mga tao sa paligid natin. Kung hindi natin maaayos ang mga ugnayang ito, magiging mahirap na manatili sa grupo. Kahit papaano, kailangan nating maging pamilyar sa mga taong ito at panatilihin ang mabubuting ugnayan sa kanila. Maaari nating pag-usapan bukas ang mga kaganapan bukas.” Ang gayong mga tao ba ay mananampalataya pa rin sa Diyos? (Hindi.) Ang isang tao ay dapat madalas na namumuhay sa harap ng Diyos, at lumalapit sa harap ng Diyos upang hanapin ang katotohanan sa lahat ng oras at sa lahat ng usapin, upang sa huli, sasabihin ng Diyos: “Isa kang taong minamahal ang katotohanan. Kaaya-aya ka sa Diyos at nakalulugod sa Kanya. Nakita ng Diyos ang iyong puso at pag-uugali.” Ano ang palagay mo sa pagtasa na ito? Ang gayong mga tao lamang ang maaaring magkamit ng pagsang-ayon ng Diyos.

Hinango mula sa “Kung Hindi Mo Kayang Mamuhay Palagi sa Harap ng Diyos, Ikaw ay Walang Pananalig” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Kung ang mga tao, sa kanilang pananalig sa Diyos, ay hindi madalas nabubuhay sa harap Niya, hindi nila magagawang magkaroon ng anumang paggalang sa Kanya, kaya hindi nila magagawang layuan ang kasamaan. Magkakaugnay ang mga bagay na ito. Kung sa kaloob-looban madalas kang namumuhay sa harap ng Diyos, mapipigilan ka, at matatakot sa Kanya sa maraming bagay. Hindi ka sosobra o gagawa ng anumang bagay na napakasama, ni gagawa ka ng anumang kinamumuhian ng Diyos o magsasalita ng mga salita na walang katuturan. Kung tinatanggap mo ang pagsusuri ng Diyos, at tinatanggap ang Kanyang pagdidisiplina, iiwasan mong gumawa ng maraming bagay na masama. At sa gayon, hindi mo ba nalayuan ang kasamaan? Kung, sa iyong paniniwala sa Diyos, madalas kang nasa isang litong kalagayan, hindi alam kung nasa puso mo ba Siya at hindi alam kung ano ang gusto mong gawin sa kaloob-looban; kung hindi mo kayang maging mapayapa sa harapan ng Diyos, at hindi nananalangin o hinahanap ang katotohanan sa tuwing may nangyayari sa iyo; kung madalas kang kumikilos ayon sa sarili mong kalooban, namumuhay ayon sa iyong mala-satanas na disposisyon, at inihahayag ang iyong mapagmataas na disposisyon, at kung hindi mo tinatanggap ang pagsusuri o pagdidisiplina ng Diyos, at hindi ka nagpapasakop, kung gayon sa kaloob-looban ang mga taong tulad nito’y laging namumuhay sa harap ni Satanas at kinokontrol ni Satanas at ng kanilang tiwaling disposisyon. Ang gayong mga tao samakatuwid ay wala kahit katiting na paggalang sa Diyos. Talagang hindi nila kayang layuan ang kasamaan, at kahit hindi sila gumagawa ng masama, lahat ng iniisip nila ay masama pa rin, at kapwa walang kaugnayan sa katotohanan at sumasalungat dito. Kung gayon, ang mga ganoong tao ba ay pangunahing walang ugnayan sa Diyos? Kahit sila’y pinamumunuan Niya, hindi sila kailanman nag-uulat sa harap ng Diyos, hindi nila kailanman itinuturing ang Diyos bilang Diyos, hindi nila Siya kailanman itinuturing bilang ang Lumikha na namumuno sa kanila, hindi nila kailanman kinikilala na Siya ay kanilang Diyos at kanilang Panginoon, at hindi nila kailanman isinasaalang-alang na masugid Siyang sambahin. Ang gayong mga tao ay hindi nakauunawa kung ano ang ibig sabihin ng matakot sa Diyos, at iniisip nilang karapatan nilang gumawa ng masama. Sinasabi nilang, “Gagawin ko ang gusto ko. Bahala ako sa sarili ko, walang pakialam ang sinumang iba pa.” Samantala, itinuturing nila ang pananampalataya sa Diyos bilang isang uri ng mantra, isang anyo ng seremonya. Hindi ba sila nagiging mga walang pananampalataya dahil dito? Sila’y mga walang pananampalataya! At ano ang katawagan ng Diyos sa mga taong ito sa Kanyang puso? Sa buong maghapon, lahat ng iniisip nila ay kasamaan. Sila ang masasamang tao ng sambahayan ng Diyos, at hindi Niya kinikilala ang gayong mga tao bilang mga kaanib ng Kanyang sambahayan.

Hinango mula sa “Tanging Kapag Namumuhay Ka sa Harapan ng Diyos sa Lahat ng Sandali Makalalakad Ka sa Landas ng Kaligtasan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Hindi nagagalak sa katotohanan ang ilang tao, lalo na sa paghatol. Sa halip, nagagalak sila sa kapangyarihan at mga kayamanan; ang mga taong ganoon ay tinatawag na mga mapaghanap ng kapangyarihan. Hinahanap lamang nila ang mga denominasyon sa mundo na may impluwensya at hinahanap lamang nila ang mga pastor at mga gurong galing sa mga seminaryo. Bagaman tinanggap na nila ang daan ng katotohanan, hindi sila lubos na naniniwala; wala silang kakayahang ibigay ang lahat ng mga puso at mga isip nila, ang mga bibig nila ay nagsasalita ng paggugol ng mga sarili nila para sa Diyos, ngunit ang kanilang mga mata ay nakatuon sa dakilang mga pastor at mga guro, at hindi nila binibigyan si Cristo ng karagdagang pansin. Nakatuon ang kanilang mga puso sa katanyagan, kayamanan, at karangalan. Hindi sila naniniwalang ang isang ganoon kaliit na tao ay may kakayahang lupigin ang napakarami, na ang isang hindi kapansin-pansin ay mapeperpekto ang tao. Iniisip nilang imposibleng ang mga hamak na kasama ng alikabok at mga tambak ng dumi ay ang mga taong hinirang ng Diyos. Naniniwala silang kung ang mga tulad ng mga taong ito ang mga layon ng pagliligtas ng Diyos, ang langit at lupa ay mababaliktad, at ang lahat ng tao ay tatawa nang tatawa. Naniniwala silang kung pinili ng Diyos ang gayong mga hamak upang perpektuhin, kung gayon ang yaong mga dakilang taong iyon ay magiging Diyos Mismo. Ang mga pananaw nila ay nadungisan ng kawalan ng paniniwala; higit pa sa hindi paniniwala, sila ay kakatuwang mga hayop lamang. Sapagkat pinahahalagahan lamang nila ang katayuan, katanyagan, at kapangyarihan, at pinahahalagahan lamang nila ang malalaking grupo at denominasyon. Wala silang ni katiting na pagmamalasakit para sa yaong mga inakay ni Cristo; sila ay mga taksil lamang na tumalikod kay Cristo, sa katotohanan, at sa buhay.

Hindi ang pagpapakumbaba ni Cristo ang hinahangaan mo, kundi ang mga huwad na pastol na may bantog na katayuan. Hindi mo gusto ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, kundi iyong mahahalay na nakalublob sa karumihan ng mundo. Tinatawanan mo ang pasakit ni Cristo na walang lugar na mapaghihigan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na nangangaso ng mga alay at namumuhay sa kabuktutan. Hindi ka handang magdusa sa tabi ni Cristo, ngunit masayang inihahagis ang sarili sa mga bisig ng mga walang habas na mga anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang impluwensya. Gayunpaman patuloy kang nagtataglay ng saloobin kung saan nahihirapan kang lunukin ang gawain ni Cristo at mabigat sa kalooban mong tanggapin ito. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong kulang ka sa pananampalataya upang kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nangingibabaw sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at mga kamay. Sila ay, sa mga puso ninyo, kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Wala Siyang halaga sa puso mo magpakailanman, at di-karapat-dapat sa paggalang magpakailanman. Sapagkat napaka-karaniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensya, at malayo sa pagiging napakatayog.

Magkagayunman, sinasabi Kong ang lahat ng hindi nagpapahalaga sa katotohanan ay mga di-mananampalataya at mga taksil sa katotohanan. Ang mga ganoong tao ay hindi kailanman makatatanggap ng pag-ayon ni Cristo. Napagtanto mo na ba ngayon kung gaano kalaki ang kawalan ng paniniwalang nasa kalooban mo, at kung gaano kalaki ang pagtataksil kay Cristo na mayroon ka? Ikaw ay Aking pinapayuhan nang gayon: Dahil napili mo na ang daan ng katotohanan, dapat mong ilaan ang sarili mo nang buong puso; huwag maging salawahan o mahina ang loob. Dapat mong maunawaang ang Diyos ay hindi nabibilang sa mundo o sa sino mang tao, kundi sa lahat ng totoong nananampalataya sa Kanya, sa lahat ng sumasamba sa Kanya, at sa lahat ng nakatuon at tapat sa Kanya.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply