Ano ang eksaktong gagawin ni Jesus pagbalik Niya?

Enero 10, 2017

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

Mayroon pa akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan: sapagka’t hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating(Juan 16:12–13).

At kung ang sinomang tao’y nakikinig sa aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi ko siya hinahatulan: sapagka’t hindi ako naparito upang humatol sa sanglibutan, kundi upang iligtas ang sanglibutan. Ang nagtatakuwil sa akin, at hindi tumatanggap sa aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang aking sinalita, ay siyang sa kaniya’y hahatol sa huling araw(Juan 12:47–48).

Sapagka’t dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Dios(1 Pedro 4:17).

At sinabi sa akin ng isa sa matatanda, Huwag kang umiyak; narito, ang Leon sa angkan ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay upang magbukas ng aklat at ng pitong tatak nito(Pahayag 5:5).

At mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol; at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon. At maraming bayan ay magsisiyaon at mangagsasabi, Halina kayo, at tayo’y magsiahon sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Dios ni Jacob; at tuturuan niya tayo ng kaniyang mga daan, at tayo’y magsisilakad sa kaniyang mga landas: sapagka’t mula sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ni Jehova ay mula sa Jerusalem. At siya’y hahatol sa gitna ng mga bansa, at sasaway sa maraming tao: at kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit: ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, o mangagaaral pa man sila ng pakikipagdigma(Isaias 2:2–4).

Narito, ako’y madaling pumaparito; at ang aking ganting-pala ay nasa akin, upang bigyan ng kagantihan ang bawa’t isa ayon sa kaniyang gawa(Pahayag 22:12).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Nang si Jesus ay naparito sa mundo ng tao, dinala Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at tinapos ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa panahon ng mga huling araw, ang Diyos ay muling naging katawang-tao, at nang Siya’y naging katawang-tao sa panahong ito, tinapos Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at dinala ang Kapanahunan ng Kaharian. Ang lahat ng tumatanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay madadala tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at personal na makakatanggap ng paggabay ng Diyos. Bagaman maraming ginawa si Jesus kapiling ang tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog para sa kasalanan ng tao, at hindi inalis sa tao ang lahat ng kanyang tiwaling disposisyon. Ang ganap na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang nangailangan kay Jesus na akuin ang mga kasalanan ng tao bilang handog para sa kasalanan, kundi nangailangan din sa Diyos na gumawa ng mas malaking gawain upang ganap na tanggalin sa tao ang kanyang disposisyon, na nagawang tiwali ni Satanas. At sa gayon, matapos mapatawad ang tao sa kanyang mga kasalanan, ang Diyos ay bumalik na sa katawang-tao upang pangunahan ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol, at ang gawaing ito ay nagdala sa tao sa isang mas mataas na lupain. Ang lahat ng nagpapasailalim sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at makakatanggap ng mas malalaking pagpapala. Sila’y tunay na mamumuhay sa liwanag, at makakamtan ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Nang ang Diyos ay naging tao sa panahong ito, ang Kanyang gawain ay upang ipahayag ang Kanyang disposisyon, una sa lahat sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol. Gamit ito bilang pundasyon, naghahatid Siya ng iba pang katotohanan sa tao, nagpapakita ng iba pang mga paraan ng pagsasagawa, at sa gayon ay nakakamit ang Kanyang layunin na lupigin ang tao at iligtas mula sa kanyang tiwaling disposisyon. Ito ang nasa likod ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Sa mga huling araw, ang Diyos na nagkatawang-tao ay naparito sa lupa pangunahin na upang magbahagi ng Kanyang mga salita. Noong dumating si Jesus, pinalaganap Niya ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, at tinupad ang gawain ng pagtubos sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus. Tinapos Niya ang Kapanahunan ng Kautusan, at pinawalang-saysay ang lahat ng lumang mga bagay. Tinapos ng pagdating ni Jesus ang Kapanahunan ng Kautusan at inihatid ang Kapanahunan ng Biyaya. Ang pagdating ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ay nagdala na ng katapusan sa Kapanahunan ng Biyaya. Naparito Siya pangunahin na upang bigkasin ang Kanyang mga salita, upang gamitin ang mga salita para gawing perpekto ang tao, upang paliwanagin at liwanagan ang tao, at upang alisin ang lugar ng malabong Diyos sa loob ng puso ng tao. Hindi ito ang yugto ng gawain na ginawa ni Jesus noong Siya ay dumating. Noong dumating si Jesus, nagpakita Siya ng maraming himala, nagpagaling Siya ng maysakit at nagpalayas ng mga demonyo, at isinakatuparan Niya ang gawain ng pagtubos ng pagpapapako sa krus. Bunga nito, sa kanyang mga pagkaintindi, naniniwala ang tao na ganito dapat ang Diyos. Dahil noong dumating si Jesus, hindi Niya ginawang alisin ang larawan ng malabong Diyos mula sa puso ng tao; noong Siya ay dumating, Siya ay ipinako sa krus, nagpagaling Siya ng maysakit at nagpalayas ng mga demonyo, at pinalaganap Niya ang ebanghelyo ng kaharian ng langit. Sa isang banda, tinatanggal ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa panahon ng mga huling araw ang lugar na kinalalagyan ng malabong Diyos sa mga pagkaintindi ng tao, kaya naman wala na ang larawan ng malabong Diyos sa puso ng tao. Sa pamamagitan ng Kanyang aktwal na mga salita at aktwal na gawain, Kanyang pagkilos sa buong lupain, at ang natatanging tunay at normal na gawaing Kanyang isinasakatuparan kasama ng tao, Kanyang sinasanhi ang tao na ganap na maunawaan ang pagiging totoo ng Diyos, at inaalis ang kinalalagyan ng malabong Diyos sa puso ng tao. Sa kabilang banda, ginagamit ng Diyos ang mga salita na winika ng Kanyang katawang-tao upang gawing ganap ang tao, at upang maisakatuparan ang mga bagay-bagay. Ito ang gawain ng Diyos na Kanyang isasakatuparan sa mga huling araw.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Gawain ng Diyos Ngayon

Ang gawain sa mga huling araw ay bumigkas ng mga salita. May malalaking pagbabago na maibubunga sa tao sa pamamagitan ng mga salita. Ang mga pagbabago ngayong naibubunga sa mga taong ito sa pagtanggap ng mga salitang ito ay mas higit kaysa roon sa mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya sa pagtanggap niyaong mga tanda at mga kababalaghan. Sapagka’t, sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga demonyo ay lumayas sa tao sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at panalangin, nguni’t ang tiwaling mga disposisyon sa kalooban ng tao ay nanatili pa rin. Ang tao ay gumaling sa kanyang sakit at pinatawad sa kanyang mga kasalanan, nguni’t ang gawain ng kung paano maiwawaksi ang tiwaling maka-satanas na disposisyon sa loob ng tao ay hindi nagawa sa kanya. Ang tao ay nailigtas lamang at napatawad sa kanyang mga kasalanan dahil sa kanyang pananampalataya, nguni’t ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi naalis at nanatili pa rin sa kanyang kalooban. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad sa pamamagitan ng Diyos na nagkatawang-tao, nguni’t hindi ito nangangahulugan na ang tao ay walang kasalanan sa kalooban niya. Ang mga kasalanan ng tao ay maaaring mapatawad sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, nguni’t hindi magagawang lutasin ng tao ang suliranin kung paano siya hindi na muling magkakasala at kung paanong ang kanyang makasalanang kalikasan ay ganap na maiwawaksi at mababago. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad dahil sa gawain ng pagpapapako sa krus ng Diyos, nguni’t ang tao ay patuloy na namuhay sa dating tiwaling maka-satanas na disposisyon. Dahil dito, ang tao ay dapat na ganap na mailigtas mula sa tiwaling maka-satanas na disposisyon upang ang makasalanang kalikasan ng tao ay maaaring ganap na maiwaksi at hindi na kailanman muling mabubuo, at sa gayon ay tinutulutang mabago ang disposisyon ng tao. Kakailanganin nito na maunawaan ng tao ang landas ng paglago sa buhay, ang landas ng buhay, at ang paraan upang baguhin ang kanyang disposisyon. Kakailanganin din na ang tao ay kumilos alinsunod sa landas na ito, nang sa gayon ang disposisyon ng tao ay unti-unting mababago at makakapamuhay siya sa ilalim ng pagsikat ng liwanag, at upang maaaring magawa niya ang lahat ng bagay ayon sa kalooban ng Diyos, iwaksi ang tiwaling maka-satanas na disposisyon, at lumaya mula sa impluwensya ng kadiliman ni Satanas, at dahil dito ganap na makakalaya mula sa kasalanan. Doon lamang matatanggap ng tao ang ganap na kaligtasan. Nang ginagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, ang pagkakilala ng tao sa Kanya ay malabo pa rin at hindi maliwanag. Ang tao ay laging naniniwala na Siya ay anak ni David at ipinahayag na Siya ay isang dakilang propeta at ang mabuting Panginoon na tumubos sa mga kasalanan ng tao. Ang ilan, batay sa pananampalataya, ay gumaling sa pamamagitan lamang ng paghipo sa laylayan ng Kanyang damit; ang bulag ay maaaring makakita at kahit ang patay ay maaaring maibalik ang buhay. Gayunman, hindi natuklasan ng tao ang tiwaling maka-satanas na disposisyon na malalim na nakatanim sa kalooban niya at hindi rin alam ng tao kung paano iwaksi ito. Ang tao ay nakatanggap ng labis na biyaya, tulad ng kapayapaan at kasiyahan ng laman, ang pagpapala ng buong pamilya dahil sa pananampalataya ng isa, at ang pagpapagaling ng mga sakit, at iba pa. Ang natitira ay ang mga mabuting gawa ng tao at kanilang maka-Diyos na itsura; kung ang tao ay maaaring mabuhay batay sa ganito, siya ay itinuring na isang mabuting mananampalataya. Ang mga mananampalatayang tulad lamang nito ang maaaring pumasok sa langit pagkamatay, na nangangahulugan na sila ay nailigtas. Nguni’t, sa kanilang buong buhay, hindi nila lubos na naunawaan kahit kailan ang daan ng buhay. Sila ay nakakagawa lamang ng mga kasalanan, pagkatapos ay nangungumpisal ng kasalanan nang paulit-ulit na walang anumang daan tungo sa isang nabagong disposisyon; ganyan ang kalagayan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang tao ba ay nakatanggap ng ganap na kaligtasan? Hindi! Samakatuwid, matapos na makumpleto ang yugtong iyon, naroon pa rin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ang yugtong ito ay para padalisayin ang tao sa pamamagitan ng salita at sa gayo’y bigyan siya ng isang landas na susundan. Ang yugtong ito ay hindi magiging mabunga o makahulugan kung nagpatuloy ito sa pagpapalayas ng mga demonyo, sapagka’t ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi maiwawaksi at ang tao ay hihinto lamang sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ang tao ay napatawad sa kanyang mga kasalanan, sapagka’t ang gawain ng pagpapapako sa krus ay dumating na sa katapusan at ang Diyos ay nanaig laban kay Satanas. Nguni’t ang tiwaling disposisyon ng tao ay nananatili pa rin sa loob nila at ang tao ay maaari pa ring magkasala at labanan ang Diyos; at hindi pa nakamit ng Diyos ang sangkatauhan. Kung kaya sa yugtong ito ng gawaing ginagamit ng Diyos ang salita upang ibunyag ang tiwaling disposisyon ng tao at hinihingi sa tao na magsagawa alinsunod sa tamang landas. Ang yugtong ito ay mas makahulugan kaysa nauna at mas mabunga rin, dahil sa ngayon ang salita ang direktang nagbibigay-buhay sa tao at nagbibigay-daan upang ang disposisyon ng tao ay ganap na mapanibago; ito ay isang yugto ng gawain na mas masusi. Samakatuwid, ang pagkakatawang-tao sa mga huling araw ay nagpaging-ganap sa kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ganap na tumapos sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4

Ang gawain ng mga huling araw ay upang pagbukud-bukurin ang lahat ayon sa kanilang uri, upang tapusin ang plano ng pamamahala ng Diyos, sapagka’t ang oras ay malapit na at ang araw ng Diyos ay nakarating na. Dinadala ng Diyos ang lahat ng nakapasok sa Kanyang kaharian, iyon ay, lahat ng naging tapat sa Kanya hanggang sa katapusan, tungo sa kapanahunan ng Diyos Mismo. Subali’t, hanggang sa pagdating ng kapanahunan ng Diyos Mismo, ang gawaing gagawin ng Diyos ay hindi upang magmasid sa mga gawa ng tao o magtanong tungkol sa buhay ng tao, kundi upang hatulan ang kanyang paghihimagsik, sapagka’t dadalisayin ng Diyos ang lahat ng lalapit sa harap ng Kanyang luklukan. Lahat ng nakasunod sa mga yapak ng Diyos hanggang sa araw na ito ay yaong mga nagsilapit sa harap ng luklukan ng Diyos, at yamang ganito, ang bawat isang tao na tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pinag-uukulan ng pagdadalisay ng Diyos. Sa ibang salita, ang lahat ng tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pinag-uukulan ng paghatol ng Diyos.

…………

… Pagdating sa salitang “paghatol,” maiisip mo ang mga salitang sinalita ni Jehova sa lahat ng dako at ang mga salita ng pagsaway na sinalita ni Jesus sa mga Fariseo. Bagama’t matigas ang mga pananalitang ito, ang mga ito ay hindi paghatol ng Diyos sa tao, mga salita lamang na sinalita ng Diyos sa loob ng magkakaibang mga kapaligiran, iyon ay, magkakaibang tagpo; ang mga salitang ito ay hindi kagaya ng mga salitang sinalita ni Cristo habang hinahatulan Niya ang tao sa mga huling araw. Sa mga huling araw, si Cristo ay gumagamit ng sari-saring katotohanan upang turuan ang tao, ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat mabuhay nang normal ang tao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas nang pangmatagalan. Ang ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang itinuturing na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto na magpasakop sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtam ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Ngayon, ang Diyos ay pangunahing nagkatawang-tao upang kumpletuhin ang gawain ng “ang Salita ay nagpapakita na nasa katawang-tao,” upang gamitin ang salita para gawing perpekto ang tao, at ipatanggap sa tao ang pakikitungo ng salita at ang pagpipino ng salita. Sa Kanyang mga salita Siya ay nagsasanhi upang iyong matamo ang tustos at matamo ang buhay; sa Kanyang mga salita, nakikita mo ang Kanyang gawain at mga gawa. Ginagamit ng Diyos ang salita upang kastiguhin at pinuhin ka, at kung naghihirap ka naman, ito ay dahil din sa salita ng Diyos. Ngayon, ang Diyos ay hindi gumagawa gamit ang mga katunayan, kundi mga salita. Pagkatapos na ang Kanyang mga salita ay nakarating sa iyo saka lamang makakagawa ang Banal na Espiritu sa kalooban mo at magsasanhi sa iyo na magdusa ng sakit o makaramdam ng katamisan. Tanging ang salita ng Diyos ang makakapagdala sa iyo tungo sa realidad, at tanging ang salita ng Diyos ang may kakayahang gawin kang perpekto. At sa gayon, dapat mo man lamang maunawaan ito: Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa panahon ng mga huling araw ay pangunahing ang paggamit ng Kanyang salita upang gawing perpekto ang bawat tao at gabayan ang tao. Ang lahat ng gawain na ginagawa Niya ay sa pamamagitan ng salita; hindi Siya gumagamit ng mga katunayan upang kastiguhin ka. May mga panahon na ang ilang tao ay lumalaban sa Diyos. Hindi nagsasanhi ang Diyos ng matinding paghihirap para sa iyo, ang iyong laman ay hindi kinakastigo ni ikaw ay naghihirap—subali’t sa sandaling dumarating sa iyo ang Kanyang salita, at pinipino ka, hindi mo mababata ito. Hindi ba’t gayon nga? Sa panahon ng mga taga-serbisyo, sinabi ng Diyos na itapon ang tao sa walang-hanggang kalaliman. Talaga bang umabot ang tao sa walang-hanggang kalaliman? Sa pamamagitan lamang ng paggamit ng mga salita upang pinuhin ang tao, ang tao ay pumasok sa walang-hanggang kalaliman. At sa gayon, sa panahon ng mga huling araw, kapag ang Diyos ay nagkakatawang-tao, pangunahin Niyang ginagamit ang salita upang tuparin ang lahat at gawing malinaw ang lahat. Sa Kanyang salita lamang iyong makikita kung ano Siya; sa mga salita lamang Niya iyong makikita na Siya ay Diyos Mismo. Nang ang Diyos na nagkatawang-tao ay naparirito sa lupa, wala Siyang ibang ginagawa kundi ang mangusap ng mga salita—kaya hindi na kailangan ang mga katunayan; sapat na ang mga salita. Yaon ay sapagkat pangunahing naparito Siya upang gawin ang gawaing ito, hayaan ang tao na mamasdan ang Kanyang lakas at kataas-taasang kapangyarihan sa Kanyang mga salita, hayaan ang mga tao na makita sa Kanyang mga salita kung gaano mapagkumbaba Niyang itinatago ang Kanyang Sarili, at hayaan ang tao na malaman ang Kanyang kabuuan sa Kanyang mga salita. Ang lahat ng kung anong mayroon Siya at kung ano Siya ay nasa Kanyang mga salita, ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha ay nasa Kanyang mga salita. Sa ganito ipinakikita sa iyo ang maraming paraan na kung saan winiwika ng Diyos ang Kanyang mga salita.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos

Sa Kapanahunan ng Kaharian, ginagamit ng Diyos ang salita upang ihatid ang isang bagong kapanahunan, upang baguhin ang paraan ng Kanyang gawain, at upang gawin ang gawain para sa buong kapanahunan. Ito ang panuntunan ng paggawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay nagkatawang-tao upang magsalita mula sa iba’t ibang pananaw, binibigyang-kakayahan ang tao na tunay na makita ang Diyos, na Siyang Salita na nagpapakita sa katawang-tao, at ang Kanyang karunungan at pagiging nakamamangha. Ang ganoong gawain ay ginagawa upang mas makamit ang mga layunin ng paglupig sa tao, paggawang perpekto sa tao, at pag-aalis sa tao. Ito ang tunay na kahulugan ng paggamit sa salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng salita, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang kailangang pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng salita, ang lahat ng gawain na nais isagawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay natutupad. Sa pamamagitan ng salita, nahahayag ang tao, naaalis at sinusubukan. Nakita ng tao ang salita, narinig ang salita, at nabuksan ang kamalayan patungkol sa pag-iral ng salita. Ang bunga nito, naniniwala ang tao sa pag-iral ng Diyos, naniniwala ang tao sa pagiging makapangyarihan sa lahat at sa karunungan ng Diyos, gayundin sa pagmamahal ng Diyos para sa tao at Kanyang pagnanais na iligtas ang tao. Bagaman ang salitang “salita” ay payak at karaniwan, ang salita mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang buong sansinukob; binabago ng Kanyang salita ang puso ng tao, ang mga pagkaunawa at ang lumang disposisyon ng tao, at ang lumang anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng kasalukuyan ang gumagawa sa ganoong paraan, at Siya ang tanging nagsasalita at nagliligtas sa tao. Pagkatapos noon, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng salita, inaakay at tinutustusan ng salita; sila ay namumuhay sa mundo ng salita, namumuhay sa gitna ng mga sumpa at mga pagpapala ng salita ng Diyos, at mas marami pang tao ang namumuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng salita. Ang mga salita at gawaing ito ay para lahat sa kapakanan ng kaligtasan ng tao, pagkamit sa kalooban ng Diyos, at pagbabago sa orihinal na anyo ng mundo ng unang paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng salita, pinamumunuan ang mga tao sa buong sansinukob sa pamamagitan ng salita, nilulupig at inililigtas sila sa pamamagitan ng salita. Sa huli, gagamitin Niya ang salita upang dalhin ang buong lumang mundo sa katapusan. Doon lamang ganap na matatapos ang plano ng pamamahala.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita

Ang pangunahing gawain ng Diyos sa kapanahunang ito ay ang pagkakaloob ng mga salita para sa buhay ng tao, ang pagbubunyag ng diwa ng kalikasan ng tao at tiwaling disposisyon ng tao, ang pag-aalis ng mga relihiyosong pagkaintindi, piyudal na pag-iisip, makalumang pag-iisip, pati na rin ang kaalaman at kultura ng tao. Dapat mailantad ang lahat ng ito at malinis sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Sa mga huling araw, gumagamit ang Diyos ng mga salita, at hindi mga tanda at kababalaghan, upang gawing perpekto ang tao. Ginagamit Niya ang Kanyang mga salita para ilantad ang tao, hatulan ang tao, kastiguhin ang tao, at gawing perpekto ang tao, upang sa mga salita ng Diyos, makita ng tao ang karunungan at ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at maunawaan ang disposisyon ng Diyos, upang sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, makita ng tao ang mga gawa ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Gawain ng Diyos Ngayon

Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay ang pagkastigo at paghatol, na inihahayag Niya sa lahat ng masama, upang hayagang hatulan ang lahat ng tao, at gawing perpekto yaong mga tunay na nagmamahal nang tapat sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Lahat ng bagay na nilikha ay isasaayos ayon sa uri nila, at hahatiin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kanilang likas na katangian. Ito ang sandali na ibubunyag ng Diyos ang kahihinatnan ng sangkatauhan at ang kanilang hantungan. Kung hindi sasailalim sa pagkastigo at paghatol ang mga tao, walang paraan para ilantad ang kanilang pagsuway at kasamaan. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mahahayag ang kahihinatnan ng lahat ng nilikha. Ipinapakita lamang ng tao ang kanyang tunay na kulay kapag siya ay kinakastigo at hinahatulan. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at buong sangkatauhan ay isasaayos ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang kahihinatnan ng lahat ng nilikha ay mahahayag, para maparusahan ang mga masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at lahat ng tao ay sumasailalim ng kapangyarihan ng Diyos. Ang buong gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng tao at napakalala na ng kanyang pagsuway, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, yaong una sa lahat ay pinagsama-sama sa pagkastigo at paghatol, at inihahayag sa mga huling araw, ang lubos na mababago at magagawang ganap ang tao. Ang disposisyong ito lamang ang makapaglalantad sa kasamaan at sa gayon ay mapaparusahan nang matindi ang lahat ng makasalanan. Samakatuwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan, at ang pahayag at pagpapakita ng Kanyang disposisyon ay para sa kapakanan ng gawain sa bawat bagong kapanahunan. Hindi ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang gayon-gayon lang at nang walang kabuluhan. Kung ang kalalabasan ng tao ay naibunyag sa mga huling araw, naghahandog pa rin ang Diyos sa tao ng walang hanggang awa at pagmamahal, at kapag Siya ay mapagmahal pa rin sa mga tao, at hindi Niya hinahayaang sumailalim ang tao sa matuwid na paghatol, kundi Siya’y nagpapamalas ng pagpaparaya, pagtitiis at pagpapatawad, kapag patuloy pa rin Siyang nagpapatawad sa tao anuman ang matinding kasalanang nagagawa niya, na walang matuwid na paghatol, magwawakas ba ang lahat ng pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang mapangunahan ng ganitong disposisyon ang sangkatauhan patungo sa tamang hantungan? Ipagpalagay, halimbawa, ang isang hukom na mapagmahal, mabuti at magiliw. Mahal niya ang mga tao sa kabila ng kanilang mga nagawang kasalanan, at siya ay mapagmahal at mapagparaya sa sinumang tao. Kailan niya makakayang abutin ang makatwirang pasiya? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makapag-uuri sa tao at makapagdadala sa kanila sa bagong mundo. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay magwawakas sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.

—mula sa Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3

Ang kakanyahan ng gawain ng Diyos na pagkastigo at paghatol ay upang linisin ang sangkatauhan, at ito ay para sa araw ng huling kapahingahan. Kung hindi, ang buong sangkatauhan ay hindi makakasunod sa kanilang sariling uri o makapapasok sa kapahingahan. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa kapahingahan. Tanging ang gawain ng Diyos na paglilinis ang lilinis sa sangkatauhan sa kanilang di-pagkamakatuwiran, at tanging ang Kanyang gawain ng pagkastigo at paghatol ang magbibigay-liwanag sa mga masuwaying bagay sa sangkatauhan, sa gayon ay inihihiwalay yaong mga maaaring maligtas mula roon sa mga hindi, at yaong mga mananatili mula roon sa mga hindi. Kapag natapos ang Kanyang gawain, yaong mga tao na nananatili ay lilinisin at magtatamasa ng isang mas kahanga-hangang ikalawang buhay ng tao sa lupa habang sila ay pumapasok sa isang mas mataas na dako ng sangkatauhan; sa ibang salita, sila ay papasok sa araw ng kapahingahan ng sangkatauhan at mamumuhay kasama ng Diyos. Pagkatapos na sumailalim sa pagkastigo at paghatol yaong mga hindi maaaring manatili, ang kanilang orihinal na mga anyo ay ganap na mabubunyag; pagkatapos nito silang lahat ay wawasakin at, gaya ni Satanas, hindi na papayagang manatiling buhay sa ibabaw ng lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na kabibilangan ng alinman sa ganitong uri ng mga tao; ang mga taong ito ay hindi angkop na pumasok sa lupain ng sukdulang kapahingahan, ni naaangkop man sila na pumasok sa araw ng kapahingahan na pagsasaluhan ng Diyos at ng tao, sapagka’t sila ang puntirya ng kaparusahan at ang masasama, at sila ay hindi matutuwid na tao. … Ang Kanyang panghuling gawain ng pagpaparusa sa masama at paggantimpala sa mabuti ay ganap na natatapos upang lubos na dalisayin ang lahat ng sangkatauhan, sa gayon ay maaari Niyang dalhin ang isang ganap na banal na sangkatauhan sa walang hanggang kapahingahan. Ang yugtong ito ng Kanyang gawain ay ang pinakamaselan Niyang gawain. Ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang gawaing pamamahala. Kung hindi pinuksa ng Diyos ang masasama at sa halip ay pinababayaan Niya silang manatili, kung gayon ang buong sangkatauhan ay hindi pa rin makakapasok sa kapahingahan; at hindi madadala ng Diyos ang lahat ng sangkatauhan sa isang mas mabuting dako. Ang ganitong uri ng gawain ay hindi ganap na matatapos. Kapag natapos Niya ang Kanyang gawain, ang buong sangkatauhan ay magiging ganap na banal. Sa ganitong paraan lang maaaring matiwasay na mamuhay ang Diyos sa kapahingahan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ano ang paghatol?

Nauugnay na mga Salita ng Diyos: Ang gawain ng paghatol ay sariling gawain ng Diyos, kaya natural na ang Diyos Mismo ang dapat gumawa...