Paano matatamo ng isang tao ang gawain ng Banal na Espiritu
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Sa ngayon, ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu ay ang kasalukuyang mga salita ng Diyos. Sa gayon, kung tatahak ang mga tao sa landas ng Banal na Espiritu, kailangan niyang sundin, at kainin at inumin, ang kasalukuyang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang gawaing Kanyang ginagawa ay ang gawain ng mga salita; lahat ay nagsisimula sa Kanyang salita, at lahat ay nakasalig sa Kanyang mga salita, sa Kanyang kasalukuyang mga salita. Pagiging tiyak man tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, o pagkilala sa Diyos na nagkatawang-tao, bawat isa ay nangangailangan ng higit na pagsisikap sa Kanyang mga salita. Kung hindi, walang maisasagawa ang mga tao at walang matitirang anuman sa kanila. Tanging sa pagsalig lamang sa pundasyon ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at sa gayon ay makilala Siya at mapalugod Siya, maaaring unti-unting makabuo ng normal na kaugnayan sa Diyos ang mga tao. Para sa tao, wala nang mas mabuting pakikipagtulungan sa Diyos kaysa sa pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita at pagsasagawa ng mga ito. Sa pamamagitan ng gayong pagsasagawa higit nilang nagagawang manindigan sa kanilang patotoo tungkol sa mga tao ng Diyos. Kapag nauunawaan at nagagawang sundin ng mga tao ang diwa ng kasalukuyang mga salita ng Diyos, nabubuhay sila sa landas ng pagiging nagabayan ng Banal na Espiritu, at nakatahak na sa tamang landas ng pagpeperpekto ng Diyos sa tao.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos
Ang gawain ng Diyos ay ang tustusan ka sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Kapag sinusunod at tinatanggap mo ang mga salita Niya, tiyak na gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Gumagawa ang Banal na Espiritu nang eksakto sa sinasabi Ko; gawin ang sinabi Ko, at ang Banal na Espiritu ay kaagad na gagawa sa iyo. Naglalabas Ako ng bagong ilaw upang mapagmasdan ninyo, na dadalhin kayo sa liwanag ng kasalukuyan, at kapag lumakad ka sa loob ng ilaw na ito, ang Banal na Espiritu ay kaagad na gagawa sa iyo. Mayroong ilang maaaring matigas ang ulo, sinasabing, “Basta hindi ko isasakatuparan ang sinasabi Mo.” Kung gayon, sinasabi Ko sa iyo na nakarating ka na ngayon sa katapusan; ikaw ay natuyo at wala nang buhay. Samakatuwid, sa pagdanas ng pagbabago ng disposisyon mo, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa ang pagsabay sa kasalukuyang ilaw. Ang Banal na Espiritu ay hindi lamang gumagawa sa ilang taong ginagamit ng Diyos, kundi, higit pa rito, sa iglesia. Maaaring gumagawa Siya sa sinuman. Maaaring gumawa Siya sa iyo sa kasalukuyang oras, at mararanasan mo ang gawaing ito. Sa susunod na yugto, maaari Siyang gumawa sa ibang tao, kung gayon dapat kang magmadaling makasunod; kapag mas malapit mong sinusundan ang kasalukuyang ilaw, higit na lalago ang buhay mo. Kahit na ano pang uri ang isang tao, kung gumagawa sa kanya ang Banal na Espiritu, dapat kang sumunod. Gamitin mo ang mga karanasan niya sa sarili mo, at tatanggap ka ng mas higit pang mga bagay. Sa paggawa nito mas mabilis kang uunlad. Ito ang landas ng pagkaperpekto para sa tao at ang paraan kung saan lalago ang buhay.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos
Kung namumuhay ka ayon sa mga salita ng Diyos, magkakaroon ng pagkakataon ang Banal na Espiritu na gampanan ang Kanyang gawain; kung nabubuhay ka sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, hindi mo mabibigyan ng gayong pagkakataon ang Banal na Espiritu. Ang gawaing ginagampanan ng Banal na Espiritu sa mga tao, ang liwanag na Kanyang pinasisikat sa kanila, ang tiwalang ibinibigay Niya sa kanila ay tumatagal lamang nang isang saglit; kung ang mga tao ay hindi maingat at hindi nag-uukol ng pansin, lalampasan sila ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung namumuhay ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, sasakanila ang Banal na Espiritu at gagawaan sila. Kung ang mga tao ay hindi namumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, nabubuhay sila sa mga gapos ni Satanas. Kung nabubuhay ang mga tao na may mga tiwaling disposisyon, wala sa kanila ang presensya o gawain ng Banal na Espiritu. Kung namumuhay ka ayon sa mga salita ng Diyos, at kung nabubuhay ka sa kalagayang hinihingi ng Diyos, nabibilang ka sa Kanya, at gagawaan ka Niya; kung hindi ka namumuhay ayon sa mga hinihingi ng Diyos, kundi sa halip ay nabubuhay ka sa ilalim ng sakop ni Satanas, tiyak na namumuhay ka ayon sa katiwalian ni Satanas. Kapag namuhay ka ayon sa mga salita ng Diyos at ibinigay mo ang iyong puso sa Kanya, saka mo lamang matutugunan ang Kanyang mga hinihingi; kailangan mong gawin ang sinasabi ng Diyos, gawing pundasyon ng iyong pag-iral at realidad ng iyong buhay ang Kanyang mga pahayag; saka ka lamang mapapabilang sa Diyos. Kung talagang namumuhay ka alinsunod sa kalooban ng Diyos, gagawaan ka ng Diyos at sa gayon ay mabubuhay ka sa ilalim ng Kanyang mga pagpapala, sa liwanag ng Kanyang mukha; mauunawaan mo ang gawaing ginagampanan ng Banal na Espiritu at madarama ang kagalakan ng presensya ng Diyos.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tumakas Mula sa Impluwensya ng Kadiliman, at Kakamtin Ka ng Diyos
Gumagawa ang Banal na Espiritu batay sa prinsipyong ito: Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang aktibong pagdarasal, paghahanap at paglapit sa Diyos, matatamo ang mga resulta at maaari silang maliwanagan at matanglawan ng Banal na Espiritu. Hindi totoong kumikilos nang mag-isa ang Banal na Espiritu, o kumikilos ang tao nang mag-isa. Silang dalawa ay lubos na kinakailangan, at kapag mas nakikipagtulungan ang mga tao, at habang mas hinahangad nilang maabot ang mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos, nagkakaroon ng mas malaking epekto ang Banal na Espiritu. Tanging ang totoong pakikipagtulungan ng mga tao, dagdag sa gawain ng Banal na Espiritu, ang maaaring magbunga ng tunay na mga karanasan at ng kinakailangang kaalaman sa mga salita ng Diyos. Unti-unti, sa pamamagitan ng pagdanas sa ganitong paraan, isang perpektong tao ang maibubunga sa huli. Hindi gumagawa ng mga kababalaghan ang Diyos; sa mga kuru-kuro ng mga tao, ang Diyos ang makapangyarihan sa lahat, at ang lahat ay gawa ng Diyos—na ang bunga ay ang walang-aksiyong paghihintay ng mga tao, hindi pagbabasa ng mga salita ng Diyos o pagdarasal, at paghihintay na lamang sa pag-antig ng Banal na Espiritu. Samantala ang mga may tamang pagkaunawa ay naniniwala rito: Maaari lamang makasulong hanggang sa aking pakikipagtulungan ang mga pagkilos ng Diyos, at nakasalalay sa paraan ng aking pakikipagtulungan ang epekto ng gawain ng Diyos sa aking kalooban. Kapag nagsasalita ang Diyos, dapat kong gawin ang lahat ng aking makakaya upang mahanap at pagsumikapan ang mga salita ng Diyos; ito ang dapat kong maisakatuparan.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Makikilala ang Realidad
Nagkakaroon lamang ng epekto ang Banal na Espiritu sa iyo kapag ikaw ay tunay na nagsasanay, tunay na naghahanap, tunay na nagdarasal, at handang magpakasakit alang-alang sa paghahanap ng katotohanan. Ang mga hindi naghahanap ng katotohanan ay wala ni anuman kundi mga titik at doktrina, at hungkag na teorya, at ang mga walang katotohanan ay natural na mayroong maraming kuru-kuro tungkol sa Diyos. Hinahangad lamang ng ganitong mga tao na palitan ng Diyos ang kanilang katawang-lupa ng isang katawang espirituwal nang sa gayon ay maaari silang makaakyat sa ikatlong langit. Kayhahangal ng mga taong ito! Lahat ng nagsasabi ng ganitong mga bagay ay walang kaalaman sa Diyos, o sa realidad; hindi maaaring makipagtulungan sa Diyos ang ganitong mga tao, at maaari lamang maghintay nang walang ginagawa. Upang maunawaan ng mga tao ang katotohanan, at malinaw na makita ang katotohanan, at higit pa rito, upang makapasok sila sa katotohanan at maisagawa ito, dapat silang tunay na magsanay, tunay na maghanap, at tunay na magutom at mauhaw. Kapag nagugutom at nauuhaw ka, at kapag tunay kang nakikipagtulungan sa Diyos, ang Espiritu ng Diyos ay tiyak na aantig sa iyo at magkaka-epekto sa kalooban mo, na siyang magdadala sa iyo ng higit na kaliwanagan, at magbibigay sa iyo ng higit na kaalaman sa realidad, at magiging mas malaking tulong sa iyong buhay.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Makikilala ang Realidad
Makikita mula sa karanasan na isa sa pinakamahahalagang isyu ay ang pagpapatahimik ng puso ng isang tao sa harap ng Diyos. Ito ay isang isyung may kinalaman sa espirituwal na buhay ng mga tao, at sa kanilang paglago sa buhay. Kung payapa ang puso mo sa harap ng Diyos, saka lamang magkakaroon ng bunga ang pagsisikap mong matamo ang katotohanan at magbago ang iyong disposisyon. Dahil humaharap ka sa Diyos nang may pasanin, at dahil palagi mong nadarama na nagkukulang ka sa napakaraming paraan, na maraming katotohanan kang kailangang malaman, maraming realidad kang kailangang maranasan, at na dapat mong ingatan nang husto ang kalooban ng Diyos—nasa isip mo palagi ang mga bagay na ito. Para bang dinadaganan ka ng mga ito nang husto na hindi ka na makahinga, at sa gayon ay napakalungkot mo (bagama’t hindi ka negatibo). Ang mga tao lamang na kagaya nito ang karapat-dapat na tumanggap ng kaliwanagan ng mga salita ng Diyos at antigin ng Espiritu ng Diyos. Ito ay dahil sa kanilang pasanin, dahil napakalungkot nila, at, masasabing, dahil sa halagang kanilang ibinayad at pahirap na kanilang tiniis sa harap ng Diyos, tumatanggap sila ng Kanyang kaliwanagan at pagpapalinaw. Sapagkat hindi binibigyan ng Diyos ng espesyal na pagtrato ang sinuman. Lagi Siyang patas sa pagtrato Niya sa mga tao, ngunit hindi rin Siya nagbibigay sa mga tao nang basta-basta o walang kundisyon. Ito ay isang aspeto ng Kanyang matuwid na disposisyon. Sa totoong buhay, hindi pa nakakamit ng karamihan sa mga tao ang kalagayang ito. Ano’t anuman, hindi pa nakakabaling nang husto ang kanilang puso sa Diyos, at sa gayon ay wala pa ring anumang malaking pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Ito ay dahil sa nabubuhay lamang sila sa biyaya ng Diyos at hindi pa nila natatamo ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga pamantayang kailangang matugunan ng mga tao para makasangkapan ng Diyos ay ang mga sumusunod: Bumaling ang kanilang puso sa Diyos, pasanin nila ang bigat ng mga salita ng Diyos, magkaroon sila ng pusong nasasabik, at magpasya silang sikaping matamo ang katotohanan. Ang ganitong klaseng mga tao lamang ang maaaring magtamo ng gawain ng Banal na Espiritu at madalas na nagtatamo ng kaliwanagan at paglilinaw.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos
Mayroong isang patakaran sa pagperpekto ng Diyos sa mga tao, na kung saan nililiwanagan ka Niya sa pamamagitan ng paggamit ng isang kaibig-ibig na bahagi mo upang magkaroon ka ng landas ng pagsasagawa at maihiwalay mo ang sarili mo mula sa lahat ng negatibong kalagayan, na tumutulong mapalaya ang iyong espiritu, at ginagawa kang mas kayang mahalin Siya. Sa ganitong paraan, nagagawa mong iwaksi ang tiwaling disposisyon ni Satanas. Hindi ka maarte at bukas ka, handang kilalanin ang sarili mo at isagawa ang katotohanan. Tiyak na pagpapalain ka ng Diyos, kaya kapag ikaw ay mahina at negatibo, nililiwanagan ka Niya nang doble, tinutulungan kang mas makilala ang sarili mo, maging mas handang magsisi para sa sarili mo, at mas maisagawa ang mga bagay na dapat mong isagawa. Sa ganitong paraan lamang magiging payapa at maginhawa ang iyong puso. Ang isang taong karaniwang nakatuon sa pagkilala sa Diyos, na nakatuon sa pagkilala sa kanyang sarili, na nakatuon sa kanyang sariling pagsasagawa, ay madalas na makatatanggap ng gawain ng Diyos, maging ng Kanyang patnubay at kaliwanagan. Kahit negatibo ang kalagayan ng taong iyon, nagagawa niyang baguhin kaagad ang mga bagay-bagay, tulak man iyon ng budhi o ng kaliwanagan mula sa salita ng Diyos.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaon Lamang mga Nakatuon sa Pagsasagawa ang Mapeperpekto
Naisip mo ba ang isang padron kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu? Ang Banal na Espiritu ay karaniwang kumikilos sa mga taong tapat ang puso, at Siya ay gumagawa kapag ang mga tao ay nahaharap sa mga gulo at hinahangad ang katotohanan. Hindi makikinig ang Diyos sa mga walang bahid ng pantaong katwiran o budhi. Kung napakatapat ng isang tao ngunit, sa loob ng ilang panahon, ang kanyang puso ay napalayo sa Diyos, wala siyang hangaring mapabuti, nahulog siya sa isang negatibong kalagayan at hindi lumabas dito, kapag hindi siya nagdarasal o naghahanap ng katotohanan upang malutas ang kanyang kalagayan, at hindi siya nakikipagtulungan, ang Banal na Espiritu ay hindi gagawa sa kanya sa panahong ito ng paminsan-minsang pagdidilim ng kanyang kalagayan o ng kanyang pansamantalang pagkabulok. Paano, kung gayon, gagawa ang Banal na Espiritu sa isang taong walang kamalayan ng sangkatauhan? Iyan ay mas imposible. Ano, kung gayon, ang dapat gawin ng gayong mga tao? May daan ba na kanilang masusundan? Dapat silang tunay na magsisi at maging tapat na mga tao. Paano ba maging isang tapat na tao? Una, ang iyong puso ay dapat magbukas sa Diyos, at dapat mong hanapin ang katotohanan mula sa Diyos; kapag naunawaan mo na ang katotohanan, dapat mo itong isagawa. Pagkaraan ay dapat kang magpasakop sa mga kaayusan ng Diyos at hayaan ang Diyos na pangasiwaan ka. Sa ganitong paraan ka lamang pupurihin ng Diyos. Kailangan mo munang isaisantabi ang iyong sariling katanyagan at kapalaluan, at talikuran ang iyong sariling mga interes. Una sa lahat, subukan mo silang isaisantabi, at kapag naisantabi mo na sila, ilagay mo ang iyong buong katawan at kaluluwa sa iyong tungkulin at sa gawain ng pagpapatotoo para sa Diyos, at pagkatapos ay tingnan mo kung paano ka gagabayan ng Diyos, tingnan mo kung ang kapayapaan at kagalakan ay lumitaw sa loob mo, kung mayroon kang kumpirmasyong ito. Dapat ka munang magsisi nang tunay, isuko ang iyong sarili, buksan ang iyong puso sa Diyos, at isaisantabi ang mga bagay na iyong pinahahalagahan. Kung patuloy kang kumakapit sa mga ito habang humihiling sa Diyos, makakamit mo ba ang gawain ng Banal na Espiritu? Ang gawain ng Banal na Espiritu ay may pasintabi, at ang Diyos ay isang Diyos na kinamumuhian ang kasamaan at Siya ay banal. Kung palaging kumakapit ang mga tao sa mga bagay na ito, patuloy na isinasara ang kanilang sarili sa Diyos at tinatanggihan ang gawain at patnubay ng Diyos, titigil ang Diyos sa paggawa sa kanila. Hindi dahil ang Diyos ay dapat gumawa sa kalooban ng bawat tao, o na pipilitin ka Niyang gawin ito o iyan. Hindi ka Niya pinipilit. Ang gawain ng masasamang espiritu ay pilitin ang mga tao na gawin ito o iyan, at pati na ang pag-angkin at pagkontrol sa mga tao. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa nang lalong banayad; inaantig ka Niya, at hindi mo ito nararamdaman. Nararamdaman mo lamang na tila walang malay mong naunawaan o napagtanto ang isang bagay. Ganito kung paano antigin ng Banal na Espiritu ang mga tao, at kung magpapasakop sila, makikita nila ang kanilang sariling tunay na nagsisisi.
Hinango mula sa “Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Kung minsan, kapag nasa abnormal na mga kondisyon, nawawala sa iyo ang presensya ng Diyos, at hindi mo nadarama ang Diyos kapag nagdarasal ka. Normal ang matakot sa gayong mga pagkakataon. Dapat ay agad-agad kang magsimulang maghanap. Kung hindi, hihiwalay sa iyo ang Diyos, at mawawala sa iyo ang presensya ng Banal na Espiritu—at, higit pa riyan, ang gawain ng Banal na Espiritu—sa loob ng isang araw, dalawang araw, maging isang buwan o dalawang buwan. Sa mga sitwasyong ito, nagiging napakamanhid mo at muli kang nabibihag ni Satanas, hanggang sa makaya mo nang gawin ang kung anu-ano. Nag-iimbot ka ng kayamanan, nililinlang mo ang iyong mga kapatid, nanonood ka ng mga pelikula at video, naglalaro ka ng madyong, at naninigarilyo at umiinom ka pa ng alak nang walang disiplina. Napalayo na ang iyong puso sa Diyos, lihim kang tumahak sa iyong sariling daan, at walang-habas mong hinusgahan ang gawain ng Diyos. Sa ilang pagkakataon, nagpapakababa ang mga tao kaya wala silang nadaramang hiya o kahihiyan sa paggawa ng mga kasalanang sekswal. Ang ganitong uri ng tao ay itinakwil na ng Banal na Espiritu; sa katunayan, matagal nang wala ang gawain ng Banal na Espiritu sa gayong tao. Nakikita lamang sila na lalong nagiging tiwali habang lalo pa silang nagiging masama. Sa huli, ikinakaila nila na nabubuhay sila sa ganitong paraan, at nabibihag sila ni Satanas habang sila ay nagkakasala. Kapag natuklasan mo na mayroon ka lamang presensya ng Banal na Espiritu, subalit wala sa iyo ang gawain ng Banal na Espiritu, mapanganib nang pumasok sa sitwasyong ito. Kung hindi mo man lang madama ang presensya ng Banal na Espiritu, nasa bingit ka na ng kamatayan. Kung hindi ka magsisisi, lubusan ka nang nakabalik kay Satanas, at mapapabilang ka sa mga inaalis. Kaya, kapag natuklasan mo na ikaw ay nasa isang kalagayan kung saan mayroon lamang presensya ng Banal na Espiritu (hindi ka nagkakasala, pinipigilan mo ang iyong sarili, at wala kang ginagawang lantarang paglaban sa Diyos) ngunit wala sa iyo ang gawain ng Banal na Espiritu (hindi ka naaantig kapag nagdarasal ka, wala kang natatamong malinaw na kaliwanagan o pagpapalinaw kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, wala kang interes sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, kailanma’y walang anumang paglago sa buhay mo, at matagal ka nang nawalan ng matinding pagpapalinaw)—sa gayong mga pagkakataon, kailangan mong maging mas maingat. Hindi ka dapat magpakasasa sa iyong sarili, hindi ka na dapat maging maluwag sa iyong sariling pag-uugali. Maaaring maglaho ang presensya ng Banal na Espiritu anumang oras. Ito ang dahilan kaya lubhang mapanganib ang gayong sitwasyon. Kung masusumpungan mo ang iyong sarili sa ganitong uri ng kalagayan, subukang baligtarin ang sitwasyon sa lalong madaling panahon. Una, dapat kang magdasal ng isang panalangin ng pagsisisi at hilingin mo na minsan ka pang kaawaan ng Diyos. Manalangin nang mas taimtim at payapain ang iyong puso upang higit na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Sa pundasyong ito, dapat kang gumugol ng mas maraming oras sa pananalangin; pag-ibayuhin pa ang iyong mga pagsisikap sa pag-awit, pagdarasal, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at pagganap sa iyong tungkulin. Kapag hinang-hina ka na, napakadaling maangkin ni Satanas ang puso mo. Kapag nangyari iyon, naaagaw ang puso mo mula sa Diyos at bumabalik kay Satanas, kung saan wala sa iyo ang presensya ng Banal na Espiritu. Sa gayong mga pagkakataon, doble ang hirap na matamong muli ang gawain ng Banal na Espiritu. Mas mainam na hangarin ang gawain ng Banal na Espiritu habang kapiling mo pa Siya, na magpapahintulot sa Diyos na ipagkaloob ang higit pa Niyang kaliwanagan sa iyo at hindi ka Niya pabayaan. Ang pagdarasal, pag-awit ng mga himno, paglilingkod sa iyong tungkulin, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos—lahat ng ito ay ginagawa upang mawalan ng pagkakataon si Satanas na gawin ang gawain nito, upang makagawa ang Banal na Espiritu sa iyong kalooban. Kung hindi mo matatamong muli ang gawain ng Banal na Espiritu sa ganitong paraan, kung maghihintay ka lamang, ang pagtatamong muli ng gawain ng Banal na Espiritu ay hindi magiging madali kapag naiwala mo na ang presensya ng Banal na Espiritu, maliban kung partikular kang naantig ng Banal na Espiritu, o lalo kang pinagliwanag at niliwanagan. Magkagayunman, hindi lamang inaabot ng isa o dalawang araw para makabawi sa iyong kalagayan; kung minsan maaaring lumipas ang anim na buwan nang hindi ka nakakabawi. Lahat ng ito ay dahil masyadong maluwag ang mga tao sa kanilang sarili, walang kakayahang maranasan ang mga bagay sa isang normal na paraan at sa gayon ay pinababayaan sila ng Banal na Espiritu. Kahit muli mo ngang matamo ang gawain ng Banal na Espiritu, maaaring hindi pa rin lubhang malinaw sa iyo ang kasalukuyang gawain ng Diyos, sapagkat napag-iwanan ka na sa iyong karanasan sa buhay, na tila ba naiwan ka nang sampung libong milya. Hindi ba ito isang teribleng bagay? Gayunman, sinasabi ko sa gayong mga tao na hindi pa huli ang lahat para magsisi ngayon, subalit may isang kondisyon: Dapat kang mas magpakasipag pa, at hindi magpakasasa sa katamaran. Kung nagdarasal ang ibang mga tao nang limang beses sa isang araw, dapat kang magdasal nang sampung beses; kung kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ang ibang mga tao sa loob ng dalawang oras sa isang araw, dapat mong gawin iyon sa loob ng apat o anim na oras; at kung nakikinig ang ibang mga tao sa mga himno sa loob ng dalawang oras, dapat kang makinig sa loob ng kalahating araw man lang. Madalas na pumayapa sa harap ng Diyos at isipin ang pag-ibig ng Diyos, hanggang sa ikaw ay maantig, bumalik ang iyong puso sa Diyos, at hindi ka na mangahas na mapalayo sa Diyos—saka lamang magkakaroon ng bunga ang iyong pagsasagawa; saka mo lamang mababawi ang iyong dati at normal na kalagayan.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Pumasok sa Normal na Kalagayan
Kapag mas isinasaisip mo ang kalooban ng Diyos, mas bibigat ang iyong pasanin, at kapag mas mabigat ang iyong pasanin, mas yayaman ang iyong karanasan. Kapag isinasaisip mo ang kalooban ng Diyos, bibigyan ka ng Diyos ng isang pasanin, at pagkatapos ay liliwanagan ka tungkol sa mga gawaing naipagkatiwala Niya sa iyo. Kapag ibinigay ng Diyos ang pasaning ito sa iyo, papansinin mo ang lahat ng nauugnay na katotohanan habang kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos. Kung mayroon kang pasanin na may kaugnayan sa kalagayan sa buhay ng iyong mga kapatid, ito ay isang pasanin na naipagkatiwala sa iyo ng Diyos, at palagi mong dadalhin ang pasaning ito sa iyong mga dalangin sa araw-araw. Ang ginagawa ng Diyos ay naipagkatiwala na sa iyo, at handa kang isakatuparan yaong nais gawin ng Diyos; ito ang ibig sabihin ng dalhin na parang iyo ang pasanin ng Diyos. Sa puntong ito, sa iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, magtutuon ka sa ganitong klase ng mga isyu, at iisipin mo, Paano ko lulutasin ang mga problemang ito? Paano ko mabibigyan ng kakayahan ang aking mga kapatid na magkamit ng paglaya at makasumpong ng espirituwal na kasiyahan? Magtutuon ka rin sa paglutas ng mga problemang ito habang nakikibahagi, at habang kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, magtutuon ka sa pagkain at pag-inom ng mga salitang nauugnay sa mga isyung ito. Magdadala ka rin ng isang pasanin habang kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita. Kapag naunawaan mo na ang mga hinihingi ng Diyos, magkakaroon ka ng mas malinaw na ideya tungkol sa landas na tatahakin. Ito ang kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu na dulot ng iyong pasanin, at ito rin ang patnubay na ipinagkaloob ng Diyos sa iyo. Bakit Ko sinasabi ito? Kung wala kang pasanin, hindi ka magbibigay-pansin habang kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos; kapag ikaw ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos habang nagdadala ng isang pasanin, mauunawaan mo ang diwa ng mga ito, mahahanap ang iyong daan, at isasaisip ang kalooban ng Diyos. Samakatuwid, sa iyong mga dalangin, dapat mong hilingin na dagdagan ng Diyos ang iyong mga pasanin at ipagkatiwala sa iyo ang mas mabibigat na gawain, para sa hinaharap, maaari kang magkaroon ng iba pang landas ng pagsasagawa; para ang iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay magkaroon ng mas matinding epekto; para maunawaan mo ang diwa ng Kanyang mga salita; at para mas makayanan mong maantig ng Banal na Espiritu.
Ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pananalangin, pagtanggap ng pasanin ng Diyos, at pagtanggap ng mga gawaing ipinagkakatiwala Niya sa iyo—lahat ng ito ay para mayroong landas sa iyong harapan. Kapag mas mabigat ang pasaning ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, mas madali ka Niyang mapeperpekto. Ayaw makipagtulungan ng ilan sa iba sa paglilingkod sa Diyos, kahit natawag sila; tamad ang mga taong ito na nais lamang magsaya sa kaginhawahan. Kapag mas pinaglilingkod ka sa pakikipagtulungan sa iba, mas marami kang mararanasan. Dahil mas marami kang pasanin at karanasan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto. Samakatuwid, kung kaya mong paglingkuran nang tapat ang Diyos, isasaisip mo ang pasanin ng Diyos; dahil diyan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto ng Diyos. Ang gayong grupo lamang ng mga tao ang kasalukuyang pineperpekto. Kapag mas inaantig ka ng Banal na Espiritu, mas maraming panahon kang iuukol sa pagsasaisip sa pasanin ng Diyos, mas mapeperpekto ka ng Diyos, at mas makakamit ka Niya—hanggang, sa bandang huli, magiging isang tao ka na kinakasangkapan ng Diyos. Sa kasalukuyan, may ilan na walang dinadalang pasanin para sa iglesia. Ang mga taong ito ay maluwag at pabaya, at ang tanging pinahahalagahan nila ay ang sarili nilang laman. Ang gayong mga tao ay masyadong makasarili, at bulag din sila. Kung hindi malinaw sa iyo ang bagay na ito, hindi ka magdadala ng anumang pasanin. Kapag mas isinasaisip mo ang kalooban ng Diyos, mas mabigat ang pasaning ipagkakatiwala Niya sa iyo. Ang mga makasarili ay ayaw magtiis ng gayong mga bagay; ayaw nilang bayaran ang halaga, at, dahil dito, mawawalan sila ng mga pagkakataong maperpekto ng Diyos. Hindi ba nila sinasaktan ang kanilang sarili?
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isaisip ang Kalooban ng Diyos para Makamit ang Pagiging Perpekto
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.