Ano ang tunay na panalangin? Paano tayo dapat manalangin upang tunay na makipag-usap sa Diyos?

Enero 27, 2022

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ano ang tunay na panalangin? Ito ay pagsasabi ng nasa puso mo sa Diyos, pakikipagniig sa Diyos habang inuunawa mo ang Kanyang kalooban, pakikipag-usap sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, pagkadama na talagang malapit ka sa Diyos, pagkadama na Siya ay kaharap mo, at paniniwala na mayroon kang sasabihin sa Kanya. Ramdam mong puno ng liwanag ang puso mo at ramdam mo kung gaano kaibig-ibig ang Diyos. Nadarama mo na mas inspirado ka, at nasisiyahan ang iyong mga kapatid na makinig sa iyo. Madarama nila na ang mga salitang binibigkas mo ay ang mga salitang nasa kaibuturan ng kanilang puso, mga salitang nais nilang sabihin, na para bang ang iyong mga salita ang kahalili ng sa kanila. Ito ang tunay na panalangin. Matapos kang tunay na manalangin, mapapayapa at masisiyahan ang puso mo. Maaaring mag-ibayo ang lakas na mahalin ang Diyos, at madarama mo na wala nang mas mahalaga o makabuluhan sa buhay kaysa mahalin ang Diyos. Pinatutunayan ng lahat ng ito na naging mabisa ang iyong mga dalangin.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin

At ano naman ang nilalaman ng panalangin? Dapat kang manalangin nang paisa-isang hakbang, alinsunod sa tunay na kalagayan ng puso mo at sa gawain ng Banal na Espiritu; nakakaniig mo ang Diyos alinsunod sa Kanyang kalooban at sa mga hinihingi Niya sa tao. Kapag nagsimula kang manalangin, ibigay mo muna ang puso mo sa Diyos. Huwag kang magtangkang unawain ang kalooban ng Diyos—subukan mo lamang sabihin sa Diyos ang nasa puso mo. Kapag humarap ka sa Diyos, ganito ang sabihin mo: “Diyos ko, ngayong araw ko lamang napagtanto na dati akong sumusuway sa Iyo. Totoong ako ay tiwali at kasuklam-suklam. Sinasayang ko lang ang buhay ko. Mula sa araw na ito mabubuhay ako para sa Iyo. Mamumuhay ako nang makabuluhan at palulugurin ko ang Iyong kalooban. Nawa’y gumawa palagi sa akin ang Iyong Espiritu, patuloy akong liwanagan at tanglawan. Hayaan akong matibay at matunog na magpatotoo sa Iyong harapan. Hayaang makita ni Satanas sa amin ang Iyong kaluwalhatian, ang Iyong patotoo, at ang katibayan ng Iyong tagumpay.” Kapag nanalangin ka sa ganitong paraan, ganap na mapapalaya ang puso mo. Sa pagdarasal sa ganitong paraan, mas mapapalapit ang puso mo sa Diyos, at kung madalas kang makapagdarasal sa ganitong paraan, tiyak na gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Kung palagi kang tatawag sa Diyos sa ganitong paraan, at magpapasya ka sa Kanyang harapan, darating ang araw na magiging katanggap-tanggap ang iyong pagpapasya sa harap ng Diyos, na matatamo ng Diyos ang iyong puso at buong pagkatao, at sa bandang huli ay gagawin ka Niyang perpekto. Para sa inyo, napakahalaga ng panalangin. Kapag nanalangin ka at tinanggap mo ang gawain ng Banal na Espiritu, aantigin ng Diyos ang puso mo, at lalakas ang loob mo na mahalin ang Diyos. Kung hindi ka magdarasal nang taos sa puso mo, kung hindi mo bubuksan ang puso mo para makipagniig sa Diyos, mawawalan ng paraan ang Diyos na gumawa sa iyo. Pagkatapos mong manalangin at masabi ang nasa puso mo, kung hindi pa nasimulan ng Espiritu ng Diyos ang Kanyang gawain, at wala kang natanggap na inspirasyon, ipinapakita nito na hindi tapat ang puso mo, hindi totoo ang sinasabi mo, at hindi pa rin dalisay. Pagkatapos mong manalangin, kung nakadama ka ng kasiyahan, naging katanggap-tanggap sa Diyos ang iyong mga panalangin at gumagawa sa iyo ang Espiritu ng Diyos. Bilang isang taong naglilingkod sa harap ng Diyos, hindi maaaring hindi ka manalangin. Kung tunay mong itinuturing na makabuluhan at mahalaga ang pakikipagniig sa Diyos, maaari mo bang talikdan ang panalangin? Walang sinumang maaaring mabuhay na walang pakikipagniig sa Diyos. Kung walang panalangin, nabubuhay ka sa laman, sa pagkaalipin kay Satanas; kung walang tunay na panalangin, nabubuhay ka sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Umaasa Ako na nagagawa ninyo, mga kapatid, na tunay na manalangin sa bawat araw. Hindi ito tungkol sa pagsunod sa mga panuntunan, kundi tungkol sa pagtatamo ng tiyak na resulta. Handa ka bang isakripisyo ang kaunting tulog at kasiyahan upang bumangon nang maaga para sa mga panalangin sa umaga at masiyahan sa mga salita ng Diyos? Kung nagdarasal ka na may dalisay na puso at kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos nang gaya nito, lalo kang magiging katanggap-tanggap sa Kanya. Kung ginagawa mo ito tuwing umaga, kung araw-araw mong isinasagawa na ibigay ang puso mo sa Diyos, makipagniig at makipag-usap sa Kanya, siguradong madaragdagan ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos, at mas mauunawaan mo ang kalooban ng Diyos. Sinasabi mo: “Diyos ko! Handa akong gampanan ang aking tungkulin. Sa Iyo ko lamang sa Iyo ko lamang kayang ilaan ang aking buong pagkatao, upang Ikaw ay magtamo ng kaluwalhatian sa amin, upang matamasa Mo ang patotoong ibinabahagi ng grupo naming ito. Isinasamo ko na gumawa Ka sa amin, upang magawa kong tunay Kang mahalin at palugurin Ka at hanapin Ka bilang aking layunin.” Habang tinatanggap mo ang pasaning ito, tiyak na gagawin kang perpekto ng Diyos. Hindi ka dapat manalangin para lamang sa iyong sariling kapakanan, kundi dapat ka ring manalangin para masunod ang kalooban ng Diyos at para mahalin Siya. Ito ang pinakatunay na uri ng panalangin. Nagdarasal ka ba para masunod ang kalooban ng Diyos?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin

Ang panalangin ay hindi lamang basta makatapos ka, o masunod ang pamamaraan, o mabigkas ang mga salita ng Diyos. Ibig sabihin, ang pagdarasal ay hindi pag-uulit ng ilang salita at paggaya sa iba. Sa panalangin, kailangang marating ng isang tao ang kalagayan kung saan maibibigay niya ang kanyang puso sa Diyos, na binubuksan ang puso niya para maantig ito ng Diyos. Para maging mabisa ang panalangin, dapat itong ibatay sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan lamang ng pagdarasal mula sa mga salita ng Diyos magagawa ng isang tao na tumanggap ng higit na kaliwanagan at pagpapalinaw. Ang mga palatandaan ng isang tunay na panalangin ay: Pagkakaroon ng pusong nasasabik sa lahat ng hinihiling ng Diyos, at bukod pa riyan ay naghahangad na isakatuparan ang Kanyang mga hinihingi; pagkasuklam sa kinasusuklaman ng Diyos at pagkatapos, mula sa pundasyong ito, pagtatamo ng kaunting pagkaunawa tungkol dito, at pagkakaroon ng kaunting kaalaman at kalinawan tungkol sa mga katotohanang ipinaliliwanag ng Diyos. Kapag nagkaroon ng pagpapasya, pananampalataya, kaalaman, at isang landas ng pagsasagawa kasunod ng panalangin, saka lamang ito matatawag na tunay na pananalangin, at ang ganitong uri ng panalangin lamang ang maaaring maging mabisa. Subalit kailangang itatag ang panalangin sa pagtatamasa sa mga salita ng Diyos, kailangan itong itatag sa pundasyon ng pakikipagniig sa Diyos sa Kanyang mga salita, at kailangang magawa ng puso na hanapin ang Diyos at maging tahimik sa Kanyang harapan. Ang ganitong uri ng panalangin ay nakapasok na sa yugto ng tunay na pakikipagniig sa Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin

Habang nagdarasal, kailangan ay tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at kailangan kang magkaroon ng pusong tapat. Tunay kang nakikipagniig at nagdarasal sa Diyos—hindi mo dapat subukang linlangin ang Diyos gamit ang mga salitang magandang pakinggan. Dapat ay nakasentro ang panalangin doon sa nais isakatuparan ng Diyos ngayon mismo. Hilingin mo sa Diyos na pagkalooban ka ng higit na kaliwanagan at pagpapalinaw, dalhin ang tunay na mga kalagayan at suliranin mo sa Kanyang presensya kapag nagdarasal ka, pati na ang pagpapasyang ginawa mo sa harap ng Diyos. Ang panalangin ay hindi tungkol sa pagsunod sa pamamaraan; tungkol ito sa paghahanap sa Diyos nang taos-puso. Hilingin mo sa Diyos na protektahan ang puso mo, upang madalas itong maging tahimik sa Kanyang harapan; na sa kapaligiran kung saan ka Niya inilagay, makilala mo ang iyong sarili, kamumuhian mo ang iyong sarili, at tatalikdan mo ang iyong sarili, sa gayon ay magkaroon ka ng normal na ugnayan sa Diyos at tunay na maging isang tao kang nagmamahal sa Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin

Ang pinakamaliit na hinihiling ng Diyos sa tao ay na magawa niyang buksan ang kanyang puso sa Kanya. Kung ibibigay ng tao ang kanyang tunay na puso sa Diyos at sasabihin sa Diyos ang tunay na nilalaman ng puso niya, handa ang Diyos na gumawa sa kanya. Ang gusto ng Diyos ay hindi ang baluktot na puso ng tao, kundi ang isang dalisay at tapat na puso. Kung hindi magsasalita ang tao sa Diyos mula sa kanyang puso, hindi aantigin ng Diyos ang kanyang puso o gagawa sa kanya. Kaya naman, ang pinakabuod ng panalangin ay ang kausapin ang Diyos mula sa iyong puso, na sinasabi sa Kanya ang iyong mga pagkukulang o ang tungkol sa iyong mapanghimagsik na disposisyon, ganap na ihinahayag ang iyong sarili sa Kanyang harapan; saka lamang magiging interesado ang Diyos sa iyong mga dalangin, kung hindi, itatago Niya ang Kanyang mukha mula sa iyo. Ang pinakamababang saligan para sa panalangin ay kailangan mong mapanatiling tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at hindi ito dapat lumayo mula sa Diyos. Maaaring sa panahong ito ay hindi ka nagtatamo ng mas bago o mas mataas na kabatiran, ngunit sa gayon ay kailangan mong manalangin upang mapanatili ang iyong katayuan—hindi ka dapat bumalik sa dati. Ito ang pinakamababang kailangan mong makamtan. Kung kahit ito ay hindi mo kayang isakatuparan, pinatutunayan nito na ang iyong espirituwal na buhay ay wala sa tamang landas. Dahil dito, hindi mo magagawang kapitan ang una mong pananaw, mawawalan ka ng pananampalataya sa Diyos, at sa bandang huli ay mapapawi ang iyong kapasyahan. Ang isang tanda kung nakapasok ka na sa espirituwal na buhay o hindi pa ay ang tingnan kung ang iyong mga panalangin ay nasa tamang landas. Kailangang tanggapin ng lahat ng tao ang realidad na ito; kailangan nilang lahat na sadyang sanayin ang kanilang sarili sa pagdarasal, hindi sa paghihintay nang walang kibo, kundi sadyang hangarin na maantig ng Banal na Espiritu. Saka lamang sila magiging mga tao na tunay na naghahanap sa Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin

Paano mapananatili ng mga tao ang isang relasyon sa Diyos? At sa ano sila dapat umasa upang magawa ito? Dapat silang umasa sa pagsamo sa Diyos, pananalangin sa Diyos, at pakikipagniig sa Diyos sa kanilang mga puso. Sa isang relasyong tulad nito, laging namumuhay ang mga tao sa harap ng Diyos, at napakapayapa ng gayong mga tao. May ilang tao na ginugugol ang lahat ng kanilang oras sa mga panlabas na kilos, nagpapakaabala sa mga panlabas na gawain. Pagkalipas ng isa o dalawang araw na walang espirituwal na buhay, wala silang nadarama; pagkalipas ng tatlo o limang araw, o isa o dalawang buwan, wala pa rin silang nadarama; hindi sila nanalangin, nagsumamo o espirituwal na nakipagniig. Ang pagsamo ay kung may nangyayari sa iyo, at hinihiling mo sa Diyos na tulungan ka, gabayan ka, pagkalooban ka, liwanagan ka, at pahintulutan kang maunawaan ang Kanyang kalooban at malaman kung ano ang dapat gawin ayon sa katotohanan. Mas malawak ang saklaw ng panalangin: Kung minsan sinasabi mo ang mga salita na nasa puso mo, kinakausap ang Diyos tungkol sa iyong mga paghihirap o pagkanegatibo at kahinaan; kaya, gayundin, nananalangin ka sa Diyos kapag ikaw ay suwail, o kung hindi man, sinasabi mo sa Kanya ang mga bagay na nangyayari sa iyo bawat araw, malinaw man ang mga ito sa iyo o hindi. Ito ang pananalangin. Sa madaling salita, ang saklaw ng panalangin ay ang pakikipag-usap at pagbubukas ng puso sa Diyos. Kung minsan, ginagawa ito sa karaniwang panahon, at kung minsan ay hindi; maaari kang manalangin kailanman at saan mo man naisin. Hindi masyadong pormal ang espirituwal na pakikipagniig. Ganito ito kung minsan dahil may problema ka, kung minsan ay hindi. Kung minsan ay may kasama itong mga salita, at kung minsan ay wala. Kapag may problema ka, talakayin mo ito kasama ng Diyos at manalangin; kung wala kang problema, isipin mo kung gaano kamahal ng Diyos ang mga tao, kung gaano ang Kanyang pag-aalala sa mga tao, kung paano Niya sinasaway ang mga tao. Maaari kang makipag-usap sa Diyos sa anumang oras o lugar. Ito ang espirituwal na pakikipagniig. Kung minsan, kapag nasa labas ka at may naiisip kang kung anong bumabagabag sa iyo, hindi mo kailangang lumuhod o ipikit ang iyong mga mata. Kailangan mo lamang sabihin sa Diyos sa puso mo: “O Diyos, mangyaring gabayan mo ako rito. Mahina ako, hindi ko kayang pangibabawan ito.” Maaantig ang puso mo; magsasabi ka lamang ng ilang payak na salita, at alam na ng Diyos. Kung minsan, nasasabik ka sa iyong tahanan at sinasabi mo, “O Diyos! Labis akong nasasabik sa aking tahanan….” Hindi mo sinasabi nang tuwiran kung sino ang kinasasabikan mo. Nalulumbay ka lamang, at sinasabi mo ito sa Diyos. Malulutas lamang ang mga problema kapag mananalangin ka sa Diyos at sasabihin mo kung ano ang nasa puso mo. Malulutas ba ang mga problema sa pakikipag-usap sa ibang tao? Mainam kung makatatagpo ka ng isang taong nauunawaan ang katotohanan, ngunit kung hindi nila ito nauunawaan—kung makatatagpo ka ng isang taong negatibo at mahina—maaari kang magkaroon ng epekto sa kanila. Kung kakausapin mo ang Diyos, bibigyan ka ng Diyos ng ginhawa, at pupukawin ka. Kung nagagawa mong basahin nang tahimik ang mga salita ng Diyos sa harap ng Diyos, kung gayon ay magagawa mong maunawaan ang katotohanan at lutasin ang problema. Tutulutan ka ng mga salita ng Diyos na makahanap ng daan, na lampasan itong maliit na hadlang. Hindi ka titisurin ng hadlang, hindi ka nito pipigilan, at hindi nito maaapektuhan ang paggawa mo ng iyong tungkulin. May mga pagkakataong bigla kang nalulumbay o nababagabag. Sa ganoong mga panahon, huwag mag-atubiling manalangin sa Diyos. Maaaring hindi ka sasamo sa Diyos, maaaring wala kang ibig gawin ng Diyos o di mo kailangang liwanagan ka Niya—kinakausap mo lamang ang Diyos at binubuksan mo ang iyong puso sa Kanya sa anumang oras, nasaan ka man. Ano ang dapat mong madama sa lahat ng oras? Ito ay, “Lagi kong kasama ang Diyos, hindi Niya ako kailanman iniwan, nadarama ko ito. Saan man ako naroon o anuman ang ginagawa ko—maaaring ako’y nagpapahinga, o nasa isang pagtitipon, o ginagawa ang tungkulin ko—sa puso ko, alam ko na inaakay ng Diyos ang aking kamay, na hindi Niya ako kailanman iniwan.” Kung minsan, sa paggunita ng kung paano mo dinaanan ang bawat araw sa nakaraang mga taon, nadarama mong tumaas na ang katayuan mo, na ginabayan ka ng Diyos, na pinangalagaan ka ng pagmamahal ng Diyos sa buong panahong ito. Kapag iniisip ang mga bagay na ito, nananalangin ka sa iyong puso, nag-aalay ng pasasalamat sa Diyos: “O Diyos, pinasasalamatan Kita! Mahina ako at marupok, lubhang tiwali. Kung wala Ka upang gabayan ako nang ganito, hindi ako aabot sa ngayon nang umaasa lamang sa sarili ko.” Hindi ba ito ang espirituwal na pakikipagniig? Kung makikipagniig nang madalas ang mga tao sa ganitong paraan, hindi ba’t marami silang masasabi sa Diyos? Hindi lilipas ang maraming araw na wala silang masasabi sa Diyos. Kung wala kang masasabi sa Diyos, wala sa puso mo ang Diyos. Kung nasa puso mo ang Diyos, at may pananampalataya ka sa Diyos, magagawa mong sabihin ang lahat ng nasa puso mo sa Kanya, kabilang ang mga bagay na sasabihin mo sa iyong mga kapalagayan ng loob. Kung tutuusin, ang Diyos ay ang pinakamalapit na kapalagayang-loob mo. Kung ituturing mo ang Diyos bilang pinakamalapit mong kapalagayang-loob, bilang pamilya na sinasandigan mo nang higit sa lahat, inaasahan mo nang higit sa lahat, pinagkakatiwalaan mo nang higit sa lahat, pinakatapat, pinakamalapit sa iyo, kung gayon ay magiging imposible para sa iyo na walang masabi sa Diyos. Kung lagi kang may masasabi sa Diyos, hindi ka ba laging mamumuhay sa harap ng Diyos? Kung lagi kang mamumuhay sa harap ng Diyos, sa bawat sandali, mararamdaman mo kung paano ka ginagabayan ng Diyos, kung paano ka Niya alagaan at ingatan, kung paano ka Niya hatdan ng kapayapaan at galak, kung paano ka Niya biyayaan, kung paano ka Niya liwanagan, at kung paano ka Niya sawayin, disiplinahin, linisin, at hatulan at kastiguhin; lahat ng ito ay magiging malinaw at maliwanag sa iyo sa puso mo. Hindi ka lamang basta-bastang dadaan sa bawat araw, nang walang alam, sinasabi lamang na naniniwala ka sa Diyos, ginagawa ang tungkulin mo at dumadalo sa mga pagtitipon para lamang magpakita, binabasa ang mga salita ng Diyos at nananalangin araw-araw, ginagawa ang lahat nang wala sa puso—ang sa iyo ay hindi magiging katulad ng ganitong uri ng panlabas na relihiyosong seremonya. Sa halip, sa puso mo, titingin ka sa Diyos at mananalangin ka sa Diyos sa bawat sandali, makikipagniig ka sa Diyos sa lahat ng panahon, at magagawa mong magpasakop sa Diyos, at mamuhay sa harap ng Diyos.

mula sa “Kung Hindi Mo Kayang Mamuhay Palagi sa Harap ng Diyos, Ikaw ay Hindi Naniniwala” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman