Paano makapapasok ang isang tao sa normal na espirituwal na buhay

Enero 26, 2022

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Para makapamuhay ng isang normal na espirituwal na buhay, kailangang makatanggap ng bagong liwanag ang isang tao araw-araw at maghangad ng tunay na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos. Kailangan niyang makita nang malinaw ang katotohanan, makatagpo ng isang landas ng pagsasagawa sa lahat ng bagay, makatuklas ng mga bagong katanungan sa pamamagitan ng pagbasa sa mga salita ng Diyos araw-araw, at mapagtanto ang kanyang sariling mga kakulangan para magkaroon siya ng isang pusong nananabik at naghahangad na nagpapakilos sa kanyang buong katauhan, at para maging tahimik siya sa harap ng Diyos sa lahat ng oras, na labis na natatakot na maiwanan. Ang isang taong may gayong pusong nananabik at naghahangad, na handang patuloy na makapasok, ay nasa tamang landas ng espirituwal na buhay. Yaong mga inantig ng Banal na Espiritu, na nais na maging mas mahusay, na handang maghangad na magawang perpekto ng Diyos, na nananabik na maunawaan nang mas malalim ang mga salita ng Diyos, na hindi naghahanap ng mahimala kundi sa halip ay tunay na nagsasakripisyo, na tunay na nagmamalasakit sa kalooban ng Diyos, na talagang nakakapasok upang maging mas tunay at totoo ang kanilang mga karanasan, na hindi naghahanap ng hungkag na mga salita at mga doktrina o naghahangad na madama ang mahimala, na hindi sumasamba sa sinumang kilalang personalidad—ito yaong mga nakapasok sa isang normal na espirituwal na buhay. Lahat ng ginagawa nila ay para magkamit ng higit na paglago sa buhay at mapanariwa at mapasigla ang kanilang espiritu, at lagi silang aktibong nakakapasok. Hindi nila namamalayan, nauunawaan nila ang katotohanan at nakakapasok sila sa realidad. Yaong mga may normal na espirituwal na buhay ay nakakasumpong ng paglaya at kalayaan ng espiritu bawat araw, at naisasagawa nila ang mga salita ng Diyos sa malayang paraan na nagpapalugod sa Kanya. Para sa mga taong ito, ang pagdarasal ay hindi isang pormalidad o isang pamamaraan; bawat araw, nagagawa nilang umagapay sa bagong liwanag. Halimbawa, sinasanay ng mga tao ang kanilang sarili na patahimikin ang kanilang puso sa harap ng Diyos, at ang kanilang puso ay talagang maaaring maging tahimik sa harap ng Diyos, at walang sinumang makakagambala sa kanila. Walang tao, kaganapan, o bagay na makakapigil sa kanilang normal na espirituwal na buhay. Ang gayong pagsasanay ay nilayong magkaroon ng mga resulta; hindi ito nilayong pasunurin ang mga tao sa mga panuntunan. Ang pagsasagawang ito ay hindi tungkol sa pagsunod sa mga panuntunan, kundi sa halip ay tungkol sa pagtataguyod ng paglago sa buhay ng mga tao. Kung ang tingin mo sa pagsasagawang ito ay mga panuntunan lamang na susundin, hindi magbabago ang iyong buhay kailanman. Maaari kang makisali sa pagsasagawang ito tulad ng iba, ngunit habang nagagawa nilang umagapay sa gawain ng Banal na Espiritu sa huli, inalis ka naman mula sa daloy ng Banal na Espiritu. Hindi mo ba niloloko ang sarili mo?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Hinggil sa Isang Normal na Espirituwal na Buhay

Ang mga salita ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan ay ang mga dinamika ng gawain ng Banal na Espiritu, at ang patuloy na kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa tao sa panahong ito ay ang kalakaran ng gawain ng Banal na Espiritu. At ano ang kalakaran sa gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan? Ito ay ang pangunguna ng mga tao tungo sa gawain ng Diyos ngayon, at tungo sa isang normal na espirituwal na buhay. Mayroong ilang hakbang sa pagpasok sa isang normal na espirituwal na buhay:

1. Una, dapat mong ibuhos ang iyong puso sa mga salita ng Diyos. Hindi mo dapat hangarin ang mga salita ng Diyos sa nakaraan, at hindi dapat pag-aralan ang mga ito ni ihambing ang mga ito sa mga salita sa kasalukuyan. Sa halip, dapat mong ganap na ibuhos ang iyong puso sa kasalukuyang mga salita ng Diyos. Kung mayroong mga tao na nagnanais pa ring basahin ang mga salita ng Diyos, mga espirituwal na aklat, o iba pang mga tala ng pangangaral mula sa nakaraan, at hindi sumusunod sa mga salita ng Banal na Espiritu ngayon, sila ang pinakahangal sa lahat ng tao; kinamumuhian ng Diyos ang gayong mga tao. Kung nakahanda kang tanggapin ang liwanag ng Banal na Espiritu ngayon, ganap mong ibuhos ang iyong puso sa mga pagpapahayag ng Diyos ngayon. Ito ang unang bagay na dapat mong matamo.

2. Dapat kang manalangin sa saligan ng mga salita na sinabi ng Diyos ngayon, pumasok sa mga salita ng Diyos at makipagniig sa Diyos, at gawin ang iyong mga pasya sa harap ng Diyos, itinatatag kung anong mga pamantayan ang nais mong hangaring matupad.

3. Dapat mong hangarin ang malalim na pagpasok sa katotohanan sa saligan ng gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan. Huwag kang manangan sa lipas nang mga pagpapahayag at mga teorya mula sa nakaraan.

4. Dapat mong hangarin na maantig ng Banal na Espiritu, at pumasok sa mga salita ng Diyos.

5. Dapat mong hangarin ang pagpasok sa landas na nilakaran ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan.

At paano mo hinahangad na maantig ng Banal na Espiritu? Ang napakahalagang bagay ay ang mabuhay sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at manalangin sa saligan ng mga hinihingi ng Diyos. Sa pananalangin sa ganitong paraan, tiyak na aantigin ka ng Banal na Espiritu. Kung hindi ka naghahangad batay sa saligan ng mga salita na sinabi ng Diyos ngayon, ito ay walang ibubunga. Dapat kang manalangin, at sabihin: “O Diyos! Ikaw ay aking kinakalaban, at malaki ang aking pagkakautang sa Iyo; masyado akong masuwayin, at hindi kailanman nagagawang mapalugod Ka. O Diyos, hinihiling ko na iligtas Mo ako, nais kong maglingkod sa Iyo hanggang sa kahuli-hulihan, nais kong mamatay para sa Iyo. Hinahatulan Mo ako at kinakastigo ako, at wala akong mga reklamo; Ikaw ay aking kinakalaban at karapat-dapat akong mamatay, upang lahat ng tao ay maaaring makita ang Iyong matuwid na disposisyon sa aking kamatayan.” Kapag nananalangin ka mula sa kaibuturan ng iyong puso sa ganitong paraan, diringgin ka ng Diyos, at gagabayan ka; kung hindi ka nananalangin sa saligan ng mga salita ng Banal na Espiritu ngayon, walang posibilidad na aantigin ka ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay mananalangin alinsunod sa kalooban ng Diyos, at alinsunod sa kung anong gustong gawin ng Diyos sa kasalukuyan, sasabihin mo: “O Diyos! Nais kong tanggapin ang Iyong mga tagubilin at maging tapat sa Iyong mga tagubilin, at nakahanda akong ilaan ang aking buong buhay sa Iyong kaluwalhatian, upang ang lahat ng aking ginagawa ay makaaabot sa mga pamantayan ng bayan ng Diyos. Nawa’y antigin Mo ang aking puso. Nais ko na liwanagan akong palagi ng Iyong Espiritu, upang ang lahat ng aking ginagawa ay magdulot ng kahihiyan kay Satanas, na sa bandang huli ako ay Iyong makamit.” Kung mananalangin ka sa ganitong paraan, sa paraang nakasentro sa kalooban ng Diyos, walang-pagsalang gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Hindi mahalaga kung gaano karami ang mga salita sa iyong mga panalangin—ang susi ay kung nauunawaan mo o hindi ang kalooban ng Diyos. Maaaring nagkaroon na kayong lahat ng sumusunod na karanasan: Minsan, habang nananalangin sa isang pagpupulong, ang mga dinamika ng gawain ng Banal na Espiritu ay umaabot sa kanilang kasukdulan, na nagiging sanhi para umusbong ang lakas ng bawa’t isa. Ang ilang tao ay tumatangis at humahagulgol habang nananalangin, napuspos ng pagsisisi sa harap ng Diyos, at ang ilang tao ay ipinakikita ang kanilang kapasyahan, at gumagawa ng mga panata. Ang gayon ay ang epekto na tatamuhin ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa kasalukuyan, napakahalaga na ganap na ibuhos ng lahat ng tao ang kanilang mga puso sa mga salita ng Diyos. Huwag magtuon ng pansin sa mga salita na sinabi noon; kung pinanghahawakan mo pa rin ang kung ano ang dumating noong una, ang Banal na Espiritu ay hindi gagawa sa kalooban mo. Nakikita mo ba kung gaano kahalaga ito?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak

Pinaniniwalaan, minamahal, at pinalulugod ng mga tao ang Diyos sa pamamagitan ng paghaplos sa Espiritu ng Diyos gamit ang kanilang puso at sa gayon ay pagkakamit ng Kanyang kaluguran, at sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga salita ng Diyos gamit ang kanilang puso at sa gayon ay pagkaantig nila ng Espiritu ng Diyos. Kung nais mong magkaroon ng isang normal na espirituwal na buhay at magtatag ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, kailangan mo munang ibigay ang iyong puso sa Kanya. Pagkatapos mong mapatahimik ang iyong puso sa Kanyang harapan at maibuhos ang buong puso mo sa Kanya, saka mo lamang unti-unting magagawang magkakaroon ng isang normal na espirituwal na buhay. Kung hindi ibinibigay ng mga tao ang kanilang puso sa Diyos sa kanilang pananalig sa Kanya, at kung ang kanilang puso ay wala sa Kanya at hindi nila tinatrato ang Kanyang pasanin bilang sarili nila, lahat ng kanilang ginagawa ay pandaraya sa Diyos, isang tipikal na kilos ng mga taong relihiyoso, at hindi makatatamo ng papuri ng Diyos. Walang mapapala ang Diyos sa ganitong klaseng tao; ang ganitong klaseng tao ay maaari lamang magsilbing hadlang sa gawain ng Diyos, kagaya ng isang palamuti sa tahanan ng Diyos, isang bagay na kalabisan at walang silbi. Hindi kinakasangkapan ng Diyos ang ganitong klaseng tao. Sa gayong tao, hindi lamang walang pagkakataon para sa gawain ng Banal na Espiritu, wala ring anumang halaga para gawin silang perpekto. Ang ganitong klaseng tao, sa totoo lang, ay isang naglalakad na bangkay. Walang taglay na anuman ang mga taong ganito para maging kasangkapan ng Banal na Espiritu, kundi taliwas dito, silang lahat ay naangkin na at malalim nang nagawang tiwali ni Satanas. Lilipulin ng Diyos ang mga taong ito. Sa kasalukuyan, sa pagkasangkapan sa mga tao, hindi lamang ginagamit ng Banal na Espiritu ang mga bahagi nilang iyon na kanais-nais upang magawa ang mga bagay-bagay, pineperpekto at binabago rin Niya ang mga bahagi nilang hindi kanais-nais. Kung maibubuhos ang puso mo sa Diyos at mananatiling tahimik sa Kanyang harapan, magkakaroon ka ng pagkakataon at mga kwalipikasyong maging kasangkapan ng Banal na Espiritu, upang matanggap ang kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu, at bukod pa riyan, magkakaroon ka ng pagkakataon para makabawi sa Banal na Espiritu sa iyong mga pagkukulang. Kapag ibinigay mo ang puso mo sa Diyos, ang maganda, makakatamo ka ng mas malalim na pagpasok at makakatamo ka ng mas mataas na kabatiran; ang hindi maganda, mas mauunawaan mo ang iyong sariling mga pagkakamali at pagkukulang, magiging mas masigasig kang hangarin na mapalugod ang kalooban ng Diyos, at hindi ka magiging balintiyak, kundi aktibo kang papasok. Sa gayon, magiging isa kang tamang tao.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos

Wala nang mas mahalagang hakbang sa pagpasok sa mga salita ng Diyos kaysa sa pagpapatahimik sa puso mo sa Kanyang presensya. Isang aral ito na kailangang-kailangang pasukin ng lahat ng tao sa kasalukuyan. Ang mga landas sa pagpasok sa pagpapatahimik sa puso mo sa harap ng Diyos ay ang mga sumusunod:

1. Ilayo mo ang puso mo sa mga bagay na walang kinalaman sa iyo. Pumayapa sa harap ng Diyos, at ituon ang iyong buong pansin sa pagdarasal sa Diyos.

2. Habang payapa ang puso mo sa harap ng Diyos, kainin, inumin, at tamasahin ang mga salita ng Diyos.

3. Pagmunihan at pagbulayan ang pag-ibig ng Diyos at pagnilayan ang gawain ng Diyos sa puso mo.

Una, magsimula sa aspeto ng pagdarasal. Tumutok sa pagdarasal at sa itinakdang mga oras. Gaano ka man kagipit sa oras, o gaano ka man kaabala sa trabaho, o anuman ang dumating sa iyo, manalangin araw-araw nang normal, at kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang normal. Hangga’t kinakain at iniinom mo ang mga salita ng Diyos, anuman ang iyong kapaligiran, masisiyahan nang husto ang iyong espiritu, at hindi ka gagambalain ng mga tao, pangyayari, o bagay sa iyong paligid. Kapag malimit mong binubulay-bulay ang Diyos sa puso mo, hindi ka magagambala ng nangyayari sa labas. Ito ang kahulugan ng pagkakaroon ng tayog. Magsimula sa pagdarasal: Ang pagdarasal nang tahimik sa harap ng Diyos ay napakamabunga. Pagkatapos noon, kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, hanapin ang liwanag sa mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagninilay sa mga ito, hanapin ang landas ng pagsasagawa, alamin ang layunin ng Diyos sa pagbigkas ng Kanyang mga salita, at unawain ang mga ito nang walang paglihis. Karaniwan, dapat ay normal para sa iyo ang mapalapit sa Diyos sa puso mo, na pagbulayan ang pag-ibig ng Diyos at pagnilayan ang mga salita ng Diyos, nang hindi nagagambala ng mga nangyayari sa labas. Kapag nagkamit na ang puso mo ng kaunting kapayapaan, makakapag-isip-isip ka nang tahimik at, sa iyong kalooban, mapagbubulay-bulayan mo ang pag-ibig ng Diyos at tunay kang mapapalapit sa Kanya, anuman ang iyong kapaligiran, hanggang sa huli ay marating mo ang punto kung saan nag-uumapaw ang papuri sa puso mo, at mas mabuti pa iyan kaysa pagdarasal. Pagkatapos ay magtataglay ka ng isang tiyak na tayog. Kung matatamo mo ang mga kalagayang inilarawan sa itaas, magiging patunay iyan na tunay na payapa ang puso mo sa harap ng Diyos. Ito ang unang mahalagang leksyon. Pagkatapos mapayapa ang mga tao sa harap ng Diyos, saka lamang sila maaantig ng Banal na Espiritu, at maliliwanagan at pagliliwanagin ng Banal na Espiritu, at saka lamang nila tunay na makakaniig ang Diyos, at mauunawaan ang kalooban ng Diyos at ang patnubay ng Banal na Espiritu. Sa gayon ay nakapasok na sila sa tamang landas sa kanilang espirituwal na buhay. Kapag lumalim na nang kaunti ang pagsasanay nilang mabuhay sa harap ng Diyos, at nagagawa nilang talikdan ang kanilang sarili, kasuklaman ang kanilang sarili, at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, tunay na payapa ang kanilang puso sa harap ng Diyos. Ang magawang kasuklaman ang sarili, isumpa ang sarili, at talikdan ang sarili ang epektong nakamit ng gawain ng Diyos, at hindi ito magagawang mag-isa ng mga tao. Sa gayon, ang pagsasagawa na patahimikin ang puso ng isang tao sa harap ng Diyos ay isang leksyon na dapat pasukin kaagad ng mga tao.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagpapatahimik sa Puso Mo sa Harap ng Diyos

Gaya ng binanggit noong una, kailangan ninyong ibigay ang inyong puso sa Diyos. Kailangan ito para makatahak sa landas kung saan umaakay ang Banal na Espiritu. Kailangan ninyong gawin ito upang makapasok sa tamang landas. Paano sadyang ginagawa ng isang tao ang gawaing ibigay ang kanilang puso sa Diyos? Sa inyong pang-araw-araw na buhay, kapag nararanasan ninyo ang gawain ng Diyos at nananalangin kayo sa Kanya, ginagawa ninyo ito nang padalus-dalos—nananalangin kayo sa Diyos habang kayo ay gumagawa. Matatawag ba itong pagbibigay ng inyong puso sa Diyos? Nag-iisip kayo tungkol sa mga bagay sa bahay o usapin ng laman; palagi kayong nagdadalawang-isip. Maituturing ba itong pagpayapa sa inyong puso sa presensya ng Diyos? Ito ay dahil ang puso mo ay palaging nakatutok sa panlabas na mga usapin, at hindi ka nakakabalik sa harap ng Diyos. Kung nais mong tunay na maging payapa ang puso mo sa harap ng Diyos, kailangan mong gawin ang gawain ng sadyang pakikipagtulungan. Ibig sabihin, bawat isa sa inyo ay dapat gumugol ng panahon para sa inyong mga debosyon, isang panahon na maisasantabi ninyo ang mga tao, pangyayari, at bagay; panatagin ang inyong puso at patahimikin ang sarili ninyo sa harap ng Diyos. Lahat ay kailangang magkaroon ng indibiduwal na mga tala ng debosyon, na itinatala ang kanilang kaalaman tungkol sa salita ng Diyos at kung paano naaantig ang kanilang espiritu, malalim man ang mga iyon o mababaw; lahat ay kailangang sadyang payapain ang kanilang puso sa harap ng Diyos. Kung makapaglalaan ka ng isa o dalawang oras bawat araw sa tunay na espirituwal na buhay, madarama mo na ang buhay mo sa araw na iyon ay pinagyaman at ang puso mo ay magiging maningning at maaliwalas. Kung ipinamumuhay mo ang ganitong uri ng espirituwal na buhay araw-araw, mas magiging pag-aaring muli ng Diyos ang puso mo, ang iyong espiritu ay lalakas nang lalakas, ang iyong kundisyon ay patuloy na bubuti, mas makakaya mong tumahak sa landas kung saan umaakay ang Banal na Espiritu, at pagkakalooban ka ng Diyos ng mas maraming pagpapala. Ang layunin ng inyong espirituwal na buhay ay upang sadyang matamo ang presensya ng Banal na Espiritu. Hindi ito upang sumunod sa mga patakaran o magsagawa ng mga ritwal na pangrelihiyon, kundi upang tunay na kumilos na kasama ng Diyos, upang tunay na displinahin ang inyong katawan—ito ang dapat gawin ng tao, kaya dapat ninyong gawin ito nang buong pagsisikap. Kapag higit na pakikipagtulungan at higit na pagsisikap ang iyong inilalaan, mas makakabalik ang puso mo sa Diyos at mas mapapatahimik mo ang puso mo sa Kanyang harapan. Darating ang panahon na lubos na matatamo ng Diyos ang puso mo. Walang sinumang makakaimpluwensya o makakabihag sa puso mo, at ganap kang maaangkin ng Diyos. Kung tatahakin mo ang landas na ito, ibubunyag ng salita ng Diyos ang sarili nito sa iyo sa lahat ng pagkakataon at liliwanagan ka tungkol sa lahat ng bagay na hindi mo nauunawaan—makakamtan ang lahat ng ito sa pamamagitan ng iyong pakikipagtulungan. Kaya nga palaging sinasabi ng Diyos, “Lahat ng kumikilos na kasama Ko, gagantimpalaan Ko nang doble.” Kailangan ninyong makita nang malinaw ang landas na ito. Kung nais ninyong tumahak sa tamang landas, kailangan ninyong gawin ang lahat ng inyong makakaya upang mapalugod ang Diyos. Kailangan ninyong gawin ang lahat ng inyong makakaya upang magtamo ng espirituwal na buhay. Sa simula, maaaring hindi mo makamtan ang magagandang resulta sa pagsisikap na ito, ngunit huwag mong tulutan ang iyong sarili na umurong o malublob sa pagkanegatibo—kailangang manatili kang masipag! Kapag mas espirituwal ang buhay mo, mas sasakupin ng mga salita ng Diyos ang puso mo, lagi kang mababahala sa mga bagay na ito, at lagi mong dadalhin ang pasaning ito. Pagkatapos niyon, ibunyag mo sa Diyos ang katotohanan sa iyong kalooban sa pamamagitan ng iyong espirituwal na buhay; sabihin sa Kanya kung ano ang handa kang gawin, kung ano ang iniisip mo, ang iyong pagkaunawa at pananaw tungkol sa Kanyang salita. Huwag kang magtago ng anuman, ni katiting! Magsanay sa pagsasabi ng mga salitang nasa puso mo at paghahayag ng totoong damdamin mo sa Diyos; kung nasa puso mo iyon, humayo ka at sabihin mo iyon. Kapag mas nagsalita ka sa ganitong paraan, mas madarama mo ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at mas mapapalapit sa Diyos ang puso mo. Kapag nangyari ito, madarama mo na mas mahal mo ang Diyos kaysa kaninuman. Lalagi ka sa tabi ng Diyos, anuman ang mangyari. Kung isasagawa mo ang ganitong klaseng espirituwal na debosyonal sa araw-araw at hindi mo ito iwawaglit sa iyong isipan, kundi ituturing itong napakahalaga sa iyong buhay, sasakupin ng salita ng Diyos ang puso mo. Ito ang kahulugan ng maantig ng Banal na Espiritu. Parang ang puso mo ay palaging angkin ng Diyos, para bang palaging nasa puso mo ang iyong minamahal. Walang sinumang makakaagaw nito mula sa iyo. Kapag nangyari ito, tunay na mananahan ang Diyos sa iyong kalooban at magkakaroon ng puwang sa puso mo.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Normal na Espirituwal na Buhay ay Inaakay ang mga Tao Patungo sa Tamang Landas

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman