Sa kasalukuyan, naniniwala ako na ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay totoo. Gayunpaman, hindi ko alam kung kailan matatapos ang gawain ng Diyos. Gusto ko lang kumita ng pera kahit papaano at suportahan ang aking pamilya hanggang sa malapit nang matapos ang gawain ng Diyos. Sa puntong iyon, muli akong maniniwala sa Diyos at hahangarin ang katotohanan. Tama ba ang aking pananaw sa paghahanap?

Enero 27, 2022

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Hindi madali kahit bahagya ang paniniwala sa Diyos. Dapat maalis ang gayong mga relihiyosong pagsasagawa ng pagtataguyod sa paglunas sa mga maysakit at pagpapatalsik sa mga demonyo, ang pagtutuon sa mga tanda at kababalaghan, pagnanasa sa higit pang biyaya, kapayapaan at kagalakan ng Diyos, paghahabol ng mga pagkakataon at mga kaginhawahan ng laman—pawang relihiyosong gawi ang mga ito, at malabong uri ng paniniwala ang mga ganoong relihiyosong gawi. Ano ang tunay na paniniwala sa Diyos ngayon? Ito ay ang pagtanggap sa salita ng Diyos bilang realidad ng buhay mo at ang pagkilala sa Diyos mula sa Kanyang salita upang makamit ang tunay na pagmamahal sa Kanya. Upang maging malinaw: Ang paniniwala sa Diyos ay upang sumunod ka sa Diyos, mahalin ang Diyos, at gampanan ang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha ng Diyos. Ito ang layunin ng paniniwala sa Diyos. Dapat mong kamtin ang isang pagkakilala sa pagiging kaibig-ibig ng Diyos, sa kung gaano karapat-dapat ang Diyos sa paggalang, sa kung paano, sa Kanyang mga nilikha, ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagliligtas at ginagawa silang perpekto—ito ang mga pinakamahalagang dapat taglayin ng iyong paniniwala sa Diyos. Ang paniniwala sa Diyos sa pangunahin ay ang paglipat mula sa isang pamumuhay ng laman tungo sa isang buhay ng pagmamahal sa Diyos; mula sa pamumuhay na nakapaloob sa katiwalian tungo sa pamumuhay na nakapaloob sa buhay ng mga salita ng Diyos; ito ay paglabas mula sa ilalim ng sakop ni Satanas at pamumuhay sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, ito ay ang nakakayanang makamit ang pagkamasunurin sa Diyos at hindi ang pagkamasunurin sa laman, ito ay pagpapahintulot sa Diyos na makamit ang iyong buong puso, pagpapahintulot sa Diyos na gawin kang perpekto, at pagpapalaya sa iyong sarili mula sa tiwaling mala-satanas na disposisyon. Pangunahin ang paniniwala sa Diyos upang ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos ay mangyaring mahayag sa iyo, nang sa gayon maaari mong gawin ang kalooban ng Diyos, at tuparin ang plano ng Diyos, at magawang patotohanan ang Diyos sa harap ni Satanas. Ang paniniwala sa Diyos ay hindi dapat umikot sa pagnanais na makita ang mga tanda at mga kababalaghan, o hindi ito dapat alang-alang sa iyong personal na laman. Tungkol ito dapat sa pagtataguyod sa pagkilala sa Diyos, at kakayahang sumunod sa Diyos, at, tulad ni Pedro, sumunod sa Kanya hanggang kamatayan. Ito ang mga pangunahing layunin ng paniniwala sa Diyos. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay upang makilala ang Diyos at upang ikalugod Niya. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay nagbibigay sa iyo ng higit na pagkakilala sa Diyos, at pagkaraan lamang nito makasusunod ka sa Diyos. Tanging kung may pagkakilala ka sa Diyos na magagawa mong ibigin Siya, at ito ang layuning dapat taglayin ng tao sa kanyang paniniwala sa Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos

Anumang paniniwala sa Diyos alang-alang sa laman at mga pagnanasa ng isang tao, gayundin alang-alang sa sariling mga kagustuhan ng isang tao, ng mundo, at ni Satanas, ay marumi; ito ay likas na paglaban at pagsuway. Sa mga panahong ito, nariyan ang lahat ng iba’t ibang uri ng paniniwala: ngayon: Ang ilan ay naghahanap ng silungan mula sa kalamidad, at ang iba naman ay naghahangad na magtamo ng mga pagpapala; ang ilan ay nais maunawaan ang mga hiwaga, samantalang ang ilan naman ay naghahanap ng pera. Lahat ng ito ay mga anyo ng paglaban at lahat ay kalapastanganan! Ang sabihing lumalaban o sumusuway ang isang tao—hindi ba ito tumutukoy sa gayong mga pag-uugali? Maraming tao sa mga panahong ito ang umaangal, nagrereklamo, o nanghuhusga. Lahat ng iyon ay ginagawa ng masasama; mga halimbawa iyon ng paglaban at pagkasuwail ng tao. Ang gayong mga tao ay sinasapian at sakop ni Satanas. Yaong mga natatamo ng Diyos ay yaong mga nagpapasakop sa Kanya nang lubusan; sila ay mga taong nagawang tiwali ni Satanas ngunit nailigtas at nalupig ng kasalukuyang gawain ng Diyos, na nagtiis ng mga pagdurusa, at, sa huli, lubusang nakamtan ng Diyos, na hindi na namumuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas, at nakalaya na sa pagiging masama, at handang mamuhay nang banal—sila ang pinakabanal sa lahat ng tao; talagang sila ang mga banal. Kung ang kasalukuyan mong mga kilos ay hindi nakaayon sa kahit isang bahagi ng mga kinakailangan ng Diyos, ikaw ay aalisin. Hindi ito matututulan. Lahat ay depende sa nangyayari ngayon; kahit ikaw ay nakatakda at nahirang, ang mga kilos mo pa rin ngayon ang magpapasiya sa iyong kahihinatnan. Kung hindi ka makakasunod ngayon, aalisin ka. Kung hindi ka makakasunod ngayon, paano ka pa makakasunod kalaunan? Mayroon nang isang napakalaking himalang lumitaw sa iyong harapan, subalit hindi ka pa rin naniniwala. Kung gayon, paano ka pa maniniwala sa Diyos kalaunan, samantalang tapos na Niya ang Kanyang gawain at hindi na gagawa ng gayong gawain? Sa oras na iyon, magiging mas imposible pa para sa iyo ang sundin Siya! Kalaunan, aasa ang Diyos sa iyong pag-uugali, sa iyong kaalaman patungkol sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, at sa iyong karanasan upang malaman kung ikaw ay makasalanan o matuwid, o malaman kung ikaw ay ginawang perpekto o inalis.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

Lagi kang naniniwala na matatanggap mo Siya[a] sa pamamagitan lang ng pagsunod sa Kanya, o makita mo lang Siya, at wala nang sinuman ang makapagpapaalis sa iyo. Huwag mong akalain na napakadali lang ng pagsunod sa Diyos. Ang susi ay kailangan mo Siyang makilala, kailangan mong malaman ang gawain Niya, at kailangan mong magkaroon ng kagustuhang magtiis ng paghihirap alang-alang sa Kanya, isakripisyo ang iyong buhay para sa Kanya, at magawa Niyang perpekto. Ito ang pangitain na dapat mong taglay. Hindi maaari na laging nakatuon lang ang isip mo sa pagtatamasa ng biyaya. Huwag mong ipagpalagay na narito ang Diyos para lang sa kasiyahan ng mga tao, o upang magkaloob lang ng biyaya sa kanila. Magiging mali ka! Kung hindi maitataya ng isa ang kanyang buhay upang sumunod sa Kanya, at kung hindi maiiwanan ng isa ang lahat ng kanyang pag-aari sa mundo upang sumunod, tiyak na hindi nila makakayang sumunod hanggang sa huli! Kailangang mga pangitain ang iyong pundasyon. Kung isang araw ay dumating sa iyo ang kasawian, ano ang dapat mong gawin? Magagawa mo pa rin bang sumunod sa Kanya? Huwag mong basta sabihin kung makakasunod ka hanggang sa huli. Mas mabuting imulat mo muna nang maigi ang iyong mga mata upang makita kung ano ang panahon ngayon. Bagaman sa kasalukuyan, maaaring kayo ay tulad ng mga haligi ng templo, darating ang isang sandali kung kailan lahat ng gayong haligi ay ngangatngatin ng mga uod, na magdudulot ng pagguho ng templo, dahil sa kasalukuyan, napakaraming pangitain ang kulang sa inyo. Pinag-uukulan lang ninyo ng pansin ang sarili ninyong maliliit na mundo, at hindi ninyo alam kung ano ang pinakamaaasahan at pinakaangkop na paraan ng paghahanap. Hindi ninyo pinapansin ang pangitain ng gawain sa kasalukuyan, hindi rin ninyo isinasapuso ang mga bagay na ito. Naisip na ba ninyo na isang araw ilalagay kayo ng inyong Diyos sa isang lubos na di-pamilyar na lugar? Maguguni-guni ba ninyo kung anong mangyayari sa inyo isang araw kung kailan maaari Kong agawin ang lahat sa inyo? Magiging pareho ba ang kalakasan ninyo sa araw na iyon sa ngayon? Muli bang lilitaw ang inyong pananampalataya?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangan Ninyong Maunawaan ang Gawain—Huwag Kayong Sumunod Nang May Pagkalito!

Ngayon ang panahon kung kailan ang Aking Espiritu ay gumagawa ng dakilang gawain, at ang panahon na sinisimulan Ko ang Aking gawain sa mga bansang Gentil. Higit pa riyan, ito ang panahon na pinagbubukud-bukod Ko ang lahat ng nilalang, inilalagay ang bawat isa sa kanya-kanyang kaukulang uri, upang ang Aking gawain ay maaaring magpatuloy nang mas mabilis at mas mabisa. At kaya nga, ang Aking hinihingi pa rin sa inyo ay ang ialay mo ang iyong buong pagkatao para sa lahat ng Aking gawain, at, higit pa, na malinaw mong mabatid at tiyakin ang lahat ng gawaing Aking nagawa na sa iyo, at ibuhos ang lahat ng iyong lakas tungo sa Aking gawain nang ito ay maging mas mabisa. Ito ang dapat mong maunawaan. Tigilan ang pakikipaglaban sa isa’t isa, ang paghahanap ng daang pabalik, o paghahabol sa mga kaaliwan ng laman, na makakaantala sa Aking gawain at sa iyong magandang kinabukasan. Ang paggawa ng gayon, sa halip na pangalagaan ka, ay magdudulot sa iyo ng kapahamakan. Hindi ba kahangalan ito para sa iyo? Iyang buong pag-iimbot mong kinahuhumalingan ngayon ay ang mismong bagay na sumisira sa iyong kinabukasan, samantalang ang sakit na iyong pinagdurusahan ngayon ay ang mismong bagay na nangangalaga sa iyo. Dapat mong malinaw na malaman ang mga bagay na ito, upang maiwasang mabiktima ng mga tukso kung saan mahihirapan kang makawala, at iwasang mangapa sa makapal na hamog at hindi makita ang araw. Kapag nahawi ang makapal na hamog, masusumpungan mo ang iyong sarili na nasa paghatol ng dakilang araw. Sa panahong iyon, ang Aking araw ay papalapit na sa sangkatauhan. Paano mo tatakasan ang Aking paghatol? Paano mo matitiis ang nakakapasong init ng araw? Kapag ipinagkakaloob Ko ang Aking kasaganaan sa tao, hindi niya ito pinahahalagahan sa kanyang dibdib, bagkus ay isinasantabi ito sa isang lugar kung saan walang makapapansin dito. Kapag bumaba na ang Aking araw sa tao, hindi na niya matutuklasan ang Aking kasaganaan, o masusumpungan ang mapapait na salita ng katotohanang Aking sinabi sa kanya matagal na panahon na ang nakalilipas. Siya ay tatangis at iiyak, sapagka’t nawala na sa kanya ang ningning ng liwanag at nahulog na siya sa kadiliman.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao

Kung hindi ka naghahabol ngayon, kung gayon ay darating ang araw kung kailan sasabihin mo, “Bakit hindi ko sinunod ang Diyos nang wasto noon, hindi Siya binigyang-kasiyahan nang wasto, hindi itinaguyod ang mga pagbabago sa aking disposisyon sa buhay? Gaano ang aking pagsisisi sa hindi ko pagpapasakop sa Diyos noon, at sa hindi ko paghahabol na makamit ang kaalaman ng salita ng Diyos. Napakarami ang sinabi ng Diyos noon; bakit hindi ako naghabol? Ako ay napakatanga!” Kapopootan mo ang iyong sarili sa isang tiyak na punto. Ngayon, hindi mo pinaniniwalaan ang mga salitang Aking sinasabi, at hindi mo binibigyang-pansin ang mga iyon; kapag dumating na ang araw para ang gawaing ito ay lumaganap, at nakita mo ang kabuuan nito, magsisisi ka, at sa sandaling yaon ikaw ay matitigilan. Mayroong mga pagpapala, gayunman ay hindi mo alam kung paano magtamasa sa mga yaon, at naroon ang katotohanan, gayunman ay hindi mo ito hinahabol. Hindi ka ba nagdadala ng sumpa sa iyong sarili? Ngayon, bagaman magsisimula pa lamang ang susunod na hakbang sa gawain ng Diyos, walang anumang katangi-tangi tungkol sa mga hinihingi sa iyo at sa kung ano ang ipinasasabuhay sa iyo. Napakalaki ang gawain, at napakarami ang katotohanan; ang mga yaon ba ay hindi karapat-dapat na malaman mo? Hindi ba kayang gisingin ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ang iyong espiritu? Hindi ba kaya ng pagkastigo at paghatol ng Diyos na tulutan kang kamuhian ang iyong sarili? Sapat na ba sa iyo na mamuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, may kapayapaan at kagalakan, at kaunting makalamang kaginhawahan? Hindi ba’t ikaw ang pinakamababa sa lahat ng tao? Wala nang hihigit pa ang kamangmangan kaysa mga yaong nakakita sa kaligtasan ngunit hindi hinangad na makamit ito; sila ay mga taong nagpapakabusog sa laman at nasisiyahan kay Satanas.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

Yaong mga namumuhay sa labas ng Aking salita, na tumatakas sa pagdanas ng pagsubok, hindi ba lahat sila ay palutang-lutang sa buong mundo? Katulad sila ng mga dahon sa taglagas na naglalaglagan kung saan-saan, walang mapagpahingahan, lalong wala sila ng Aking mga salita ng pag-aliw. Bagama’t hindi sila sinusundan ng Aking pagkastigo at pagpipino, hindi ba sila mga pulubing palutang-lutang kung saan-saan, pagala-gala sa mga lansangan sa labas ng kaharian ng langit? Talaga bang ang mundo ang iyong pahingahan? Matatamo mo ba talaga, sa pag-iwas sa Aking pagkastigo, ang pinaka-bahagyang ngiti ng pasasalamat mula sa mundo? Magagamit mo ba talaga ang iyong panandaliang kasiyahan upang pagtakpan ang kahungkagan sa iyong puso, kahungkagan na hindi maitatago? Maaari mong lokohin ang sinuman sa iyong pamilya, ngunit hinding-hindi mo Ako maloloko. Dahil napakaliit ng iyong pananampalataya, hanggang sa araw na ito, wala ka pa ring kapangyarihang makasumpong ng anuman sa mga katuwaang handog ng buhay. Hinihimok kita: mas mabuti pang taos-puso mong gugulin ang kalahati ng iyong buong buhay para sa Aking kapakanan kaysa gugulin mo ang iyong buong buhay sa walang kabuluhan at kaabalahan para sa laman, na tinitiis ang lahat ng pagdurusang halos hindi makayanan ng isang tao. Ano ang silbi ng pagpapahalaga nang husto sa iyong sarili at pagtakas mula sa Aking pagkastigo? Ano ang silbi ng itago ang iyong sarili mula sa Aking panandaliang pagkastigo para lamang umani ng walang-hanggang kahihiyan, ng walang-hanggang pagkastigo? Sa katunayan, hindi ko pinasusunod ang sinuman sa Aking kalooban. Kung talagang handa ang isang tao na magpasakop sa lahat ng Aking plano, hindi Ko sila tratratuhin nang masama. Ngunit kinakailangan Ko na ang maniwala sa Akin ang lahat ng tao, tulad ng paniniwala ni Job sa Akin, si Jehova. Kung ang inyong pananampalataya ay higit pa kaysa kay Tomas, matatamo ng inyong pananampalataya ang Aking papuri, sa inyong katapatan matatagpuan ninyo ang Aking kaligayahan, at siguradong matatagpuan ninyo ang Aking kaluwalhatian sa inyong mga araw.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao

Ngayon, upang maniwala sa praktikal na Diyos, kailangan mong tumapak sa tamang landas. Kung naniniwala ka sa Diyos, hindi ka lamang dapat maghanap ng mga pagpapala, kundi mahalin ang Diyos at makilala ang Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang kaliwanagan at ng iyong sariling paghahanap, makakain at maiinom mo ang Kanyang salita, makabubuo ka ng isang tunay na pagkaunawa sa Diyos, at magkakaroon ka ng isang tunay na pag-ibig para sa Diyos na nanggagaling sa kaibuturan ng iyong puso. Sa madaling salita, kapag ang iyong pag-ibig para sa Diyos ay tunay na tunay, at walang sinumang makasisira o makahahadlang sa daan ng iyong pag-ibig para sa Kanya, ikaw kung gayon ay nasa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Pinatutunayan nito na pag-aari ka ng Diyos, sapagka’t ang puso mo ay naangkin na ng Diyos at sa gayon ay hindi ka na maaangkin ng iba pa. Sa pamamagitan ng iyong karanasan, ng iyong ibinayad na halaga, at ng gawain ng Diyos, nagagawang umusbong nang kusa ang pag-ibig mo para sa Diyos—at kapag nagkagayon, ikaw ay mapapalaya mula sa impluwensya ni Satanas at mabubuhay sa liwanag ng salita ng Diyos. Tanging kapag ikaw ay nakalaya na mula sa impluwensya ng kadiliman, saka lang masasabing nakamit mo na ang Diyos. Sa iyong paniniwala sa Diyos, dapat mong subukang abutin ang mithiing ito. Ito ang tungkulin ng bawat isa sa inyo. Wala sa inyong dapat masiyahan sa kasalukuyang kalagayan ng mga bagay-bagay. Hindi kayo maaaring magdalawang-isip sa gawain ng Diyos o ituring ito na basta-basta lang. Dapat ninyong isipin ang Diyos sa lahat ng larangan at sa lahat ng panahon, at gawin ang lahat ng bagay para sa Kanyang kapakanan. At tuwing nagsasalita kayo o kumikilos, dapat ninyong unahin ang mga interes ng tahanan ng Diyos. Tanging sa ganitong paraan kayo magiging kaayon ng puso ng Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Kang Mamuhay Para sa Katotohanan Yamang Naniniwala Ka sa Diyos

Makikilala ng isang tao ang Diyos sa pamamagitan ng pananalig sa Kanya: ito ang panghuling mithiin at ang mithiin ng pagsisikap ng tao. Dapat kang magsikap na isabuhay ang mga salita ng Diyos upang ang mga ito ay magbunga sa iyong pagsasagawa. Kung mayroon ka lamang kaalaman tungkol sa doktrina, ang iyong pananampalataya sa Diyos ay mauuwi sa wala. Tanging kung iyo ring isinasagawa at isinasabuhay ang Kanyang salita saka lamang maituturing na ganap ang iyong pananampalataya at ayon sa kalooban ng Diyos. Sa landas na ito, maraming tao ang makapagsasalita ng maraming kaalaman, nguni’t sa oras ng kanilang kamatayan, ang kanilang mga mata ay umaapaw sa mga luha, at kinapopootan nila ang kanilang mga sarili sa pagkakasayang sa isang buong buhay at pagkabuhay hanggang sa katandaan nang para sa wala. Nauunawaan lang nila ang mga doktrina nguni’t hindi nila kayang isagawa ang katotohanan o magpatotoo sa Diyos; sa halip ay tumatakbo lang sila paroo’t parito, abala na tulad ng isang bubuyog, at kapag naghihingalo na sila saka lang nila nakikita sa wakas na kulang sila sa tunay na patotoo, na hindi nila tunay na kilala ang Diyos. Hindi ba’t ito ay masyadong huli na? Bakit hindi mo samantalahin ang araw at hanapin ang katotohanan na iyong minamahal? Bakit maghihintay ka pa hanggang kinabukasan? Kung habang buhay ka ay hindi ka nagdurusa para sa katotohanan o naghahangad na makamit ito, maaari kayang ninanais mong maramdaman ang panghihinayang sa oras ng iyong paghihingalo? Kung gayon, bakit ka pa maniniwala sa Diyos? Sa katunayan, maraming bagay na kung saan ang mga tao, kung sila’y mag-uukol lamang ng katiting na pagsisikap, ay makapagsasagawa ng katotohanan at sa gayon ay mapalulugod ang Diyos. Dahil lamang ang puso ng mga tao ay palagiang nilulukuban ng mga demonyo kung kaya’t hindi sila makakilos para sa kapakanan ng Diyos, at palaging nagmamadali para sa kapakanan ng kanilang laman, nang walang anumang nakakamit mula rito sa katapusan. Dahil dito kung kaya’t ang mga tao ay palaging may mga problema at paghihirap. Hindi ba’t ito ang mga pagpapahirap ni Satanas? Hindi ba’t ito ang katiwalian ng laman? Hindi mo dapat subukang linlangin ang Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya sa salita lamang. Sa halip, dapat kang gumawa ng aktwal na pagkilos. Huwag mong linlangin ang iyong sarili—ano ang magiging punto niyon? Ano ang iyong makakamit sa pamumuhay para sa kapakanan ng iyong laman at pagpapagal para sa kapakinabangan at katanyagan?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Kang Mamuhay Para sa Katotohanan Yamang Naniniwala Ka sa Diyos

Kung hindi ka naghahanap ng mga pagkakataong maperpekto ng Diyos, at kung hindi ka nagpupunyaging makaungos sa grupo sa paghahangad mong maperpekto, sa bandang huli ay mapupuspos ka ng pagsisisi. Ngayon ang pinakamainam na pagkakataong maperpekto; ngayon ay napakagandang panahon. Kung hindi mo marubdob na hinahangad na maperpekto ng Diyos, kapag nagwakas na ang Kanyang gawain, magiging huli na ang lahat—nalagpasan ka na ng pagkakataon. Gaano man kadakila ang iyong mga hangarin, kung hindi na gumaganap ng gawain ang Diyos, anuman ang gawin mo, hindi ka na kailanman mapeperpekto. Kailangan mong samantalahin ang pagkakataong ito at makipagtulungan habang ginagawa ng Banal na Espiritu ang Kanyang dakilang gawain. Kung makalagpas sa iyo ang pagkakataong ito, hindi ka na mabibigyan ng isa pa, anuman ang gawin mo.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isaisip ang Kalooban ng Diyos para Makamit ang Pagiging Perpekto

Gising, mga lalaking kapatid! Gising, mga babaeng kapatid! Hindi maaantala ang Aking araw; ang oras ay buhay, at ang samantalahin ang panahon ay nakapagliligtas ng buhay! Hindi na malayo ang oras! Kung hindi kayo makapasa sa pagsusulit sa pagpasok sa kolehiyo, maaari kayong mag-aral at kumuha muli ng pagsusulit kahit ilang ulit ninyo naisin. Gayunman, hindi kakayanin ng Aking araw na magkakaroon ng dagdag na pagkaantala. Tandaan! Tandaan! Hinihimok Ko kayo sa pamamagitan ng mabubuting salitang ito. Nagaganap ang katapusan ng mundo sa harap mismo ng inyong mga mata, at matuling nagsisilapit ang malalaking sakuna. Ano ang mas mahalaga: ang buhay ninyo, o ang inyong pagtulog, ang pagkain, inumin, at kasuotan? Dumating na ang oras para timbangin ninyo ang mga bagay na ito. Huwag nang magduda pa at huwag umiwas sa pagiging sigurado!

Kahabag-habag! Napakadukha! Napakabulag! Napakalupit ng sangkatauhan! Talagang nagbibingi-bingihan kayo sa Aking salita—nagsasalita ba Ako sa inyo nang walang saysay? Napakapabaya pa rin ninyo—bakit? Bakit gayon? Hindi ba ninyo ito talaga naisip kailanman? Para kanino Ko sinasabi ang mga bagay na ito? Maniwala sa Akin! Ako ang inyong Tagapagligtas! Ako ang inyong Pinakamakapangyarihan sa Lahat! Magbantay! Magbantay! Ang nasayang na oras ay hindi na maibabalik kailanman—tandaan ito! Walang gamot saan man sa mundo ang naghihilom sa panghihinayang! Kaya paano Ako dapat makipag-usap sa inyo? Hindi ba karapat-dapat ang Aking salita sa inyong maingat at paulit-ulit na pagsasaalang-alang? Napakapabaya ninyo sa Aking mga salita at napakairesponsable sa inyong buhay; papaano Ko matitiis ito? Papaano Ko ito magagawa?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 30

Sa kalawakan ng mundo, umaapaw ang karagatan hanggang sa kaparangan, tumatabon ang kaparangan sa karagatan, nang paulit-ulit. Maliban sa Kanya na namumuno sa bawat bagay sa lahat ng bagay, walang sinumang may kakayahang umakay at gumabay sa sangkatauhan. Walang sinumang makapangyarihang magtatrabaho o maghahanda para sa sangkatauhang ito, lalo nang walang sinumang makakaakay sa sangkatauhang ito tungo sa hantungang liwanag at magpapalaya rito mula sa mga kawalan ng katarungan sa mundo. Nananangis ang Diyos sa hinaharap ng sangkatauhan, nagdadalamhati sa pagkahulog ng sangkatauhan, at nasasaktan dahil naglalakad ang sangkatauhan, nang dahan-dahan, patungo sa pagkabulok at sa landas na wala nang balikan. Wala pang nakakaisip kung saan ang maaaring patunguhan ng isang sangkatauhan na bumigo sa puso ng Diyos at nagtakwil sa Kanya para hanapin ang diyablo. Ito mismo ang dahilan kung bakit walang nakadarama sa galit ng Diyos, kung bakit walang naghahanap ng paraan para mapalugod Siya o nagsisikap na mapalapit sa Kanya, at bukod pa riyan, kung bakit walang naghahangad na maunawaan ang Kanyang dalamhati at pasakit. Kahit matapos marinig ang tinig ng Diyos, patuloy na tumatahak ang tao sa sarili niyang landas, pilit na lumalayo sa Diyos, umiiwas sa biyaya at kalinga ng Diyos, at lumalayo sa Kanyang katotohanan, mas ginugustong ibenta ang kanyang sarili kay Satanas, ang kaaway ng Diyos. At sino na ang nakapag-isip—dapat bang ipilit ng tao ang katigasan ng kanyang ulo—tungkol sa kung paano kikilos ang Diyos sa sangkatauhang ito na nagpaalis na sa Kanya nang hindi man lang lumilingon? Walang nakakaalam na ang dahilan ng paulit-ulit na mga paalala’t pangaral ng Diyos ay dahil inihanda na Niya sa Kanyang mga kamay ang isang walang-katulad na kalamidad, yaong hindi kakayanin ng katawan at kaluluwa ng tao. Ang kalamidad na ito ay hindi lamang isang kaparusahan sa katawan, kundi pati na rin sa kaluluwa. Kailangan mong malaman ito: Kapag nabigo ang plano ng Diyos, at kapag walang tumugon sa Kanyang mga paalala at pangaral, anong klaseng galit ang Kanyang ipamamalas? Isang bagay ito na hindi pa nararanasan o naririnig ng sinumang nilalang. Kaya sinasabi Ko, ang kalamidad na ito ay walang katulad, at hindi na mauulit kailanman. Sapagkat ang plano ng Diyos ay minsan lamang likhain ang tao, at minsan lamang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang unang pagkakataon, at ito rin ang huli. Samakatuwid, walang makakaunawa sa matitiyagang intensyon at taimtim na pag-asam ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan sa pagkakataong ito.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao

Dapat sikapin ng tao na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at hindi dapat masiyahan na lamang sa kanyang kasalukuyang mga kalagayan. Upang maisabuhay ang imahe ni Pedro, dapat niyang taglayin ang kaalaman at mga karanasan ni Pedro. Dapat pagsikapan ng tao ang mga bagay na mas matatayog at mas malalalim. Dapat niyang pagsikapan ang isang mas malalim, mas dalisay na pag-ibig sa Diyos, at isang buhay na may kabuluhan at kahulugan. Ito lamang ang buhay, sa ganito lamang magiging katulad ng tao si Pedro. Dapat kang tumuon sa pagiging maagap tungo sa iyong pagpasok sa positibong panig, at huwag basta na lang hayaan ang iyong sarili sa dumausdos pabalik para sa pagkakaroon ng panandaliang ginhawa habang binabalewala ang mas malalim, mas tiyak, at mas praktikal na mga katotohanan. Ang iyong pag-ibig ay dapat maging praktikal, at dapat kang humanap ng mga paraan upang mapalaya ang iyong sarili mula sa masama at walang-inaalalang uri ng pamumuhay na walang pinagkaiba sa pamumuhay ng isang hayop. Dapat mong isabuhay ang isang buhay na may kahulugan, isang buhay na may kabuluhan at hindi mo dapat linlangin ang iyong sarili, o ituring ang iyong buhay na parang isang laruan na dapat paglaruan. Para sa bawat isa na naghahangad na ibigin ang Diyos, walang katotohanang hindi matatamo at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano ka ba dapat mamuhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para bigyang-kasiyahan ang Kanyang kagustuhan? Walang bagay na hihigit pa sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong mga hangarin at pagtitiyaga, at hindi dapat maging tulad ng mga walang gulugod, mga mahihinang nilalang. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makahulugang buhay, at maranasan ang makahulugang mga katotohanan, at hindi dapat ituring ang iyong sarili na walang sigla sa ganitong paraan. Ang iyong buhay ay lilipas nang hindi mo namamalayan. At pagkatapos, magkakaroon ka pa ba ng isa pang pagkakataon para ibigin ang Diyos? Maaari bang ibigin ng tao ang Diyos pagkatapos niyang bawian ng buhay? Dapat kang magkaroon ng mga hangarin at ng konsensya na katulad ng kay Pedro. Ang buhay mo ay dapat na maging makahulugan, at hindi mo dapat pinaglalaruan ang iyong sarili. Bilang isang tao, at bilang isang tao na naghahangad sa Diyos, dapat mong magawang maingat na isaalang-alang kung paano mo itinuturing ang iyong buhay, kung paano mo dapat ihandog ang iyong sarili sa Diyos, kung paano ka magkakaroon ng isang mas makabuluhang pananampalataya sa Diyos, at paano, dahil sa iniibig mo ang Diyos, mo Siya dapat ibigin sa paraang mas dalisay, mas mainam, at mas mabuti.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

Talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang salitang “Siya.”

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman