Tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at gusto kong ibahagi ang ebanghelyo sa mga kapatid ng dati kong denominasyon. Gayunpaman, hindi lamang sa hindi nila ito tinanggap, kundi tinanggihan at siniraan pa nila ako. Talagang sumama ang loob ko at ayaw ko nang ibahagi sa kanila ang ebanghelyo. Sa harap ng ganitong uri ng sitwasyon, ano ang maaari kong gawin upang maging kaayon sa kalooban ng Diyos?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Bilang mga miyembro ng sangkatauhan at tapat na mga Kristiyano, pananagutan at obligasyon nating lahat na ialay ang ating isipan at katawan para sa katuparan ng tagubilin ng Diyos, dahil ang ating buong pagkatao ay nagmula sa Diyos, at ito ay umiiral salamat sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang mga isipan at katawan natin ay hindi para sa tagubilin ng Diyos at hindi para sa matuwid na kapakanan ng sangkatauhan, ang ating mga kaluluwa’y makakaramdam ng pagiging hindi karapat-dapat sa mga taong naging martir para sa tagubilin ng Diyos, at mas hindi karapat-dapat sa Diyos, na naglaan sa atin ng lahat ng bagay.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan
Alam mo ba ang pasaning nasa iyong mga balikat, ang iyong tungkulin, at ang iyong responsibilidad? Nasaan ang iyong diwa ng makasaysayang misyon? Paano ka magsisilbi nang sapat bilang isang panginoon sa susunod na kapanahunan? Mayroon ka bang matinding diwa ng pagiging panginoon? Paano mo ipaliliwanag ang panginoon ng lahat ng bagay? Ito ba talaga ang panginoon ng lahat ng nabubuhay na nilalang at lahat ng pisikal na bagay sa mundo? Ano ang mga plano mo para sa pagsulong ng susunod na yugto ng gawain? Ilang tao ang naghihintay sa iyo na maging pastol nila? Mabigat ba ang iyong gawain? Sila ay dukha, kaawa-awa, bulag, at nalilito, dumaraing sa kadiliman—nasaan ang daan? Lubha silang nananabik sa liwanag, tulad ng isang bulalakaw, upang biglang bumulusok at itaboy ang mga puwersa ng kadiliman na nang-api sa tao sa loob ng maraming taon. Sino ang makakaalam kung gaano sila sabik na umaasa, at gaano sila nananabik, araw at gabi, para dito? Kahit sa isang araw na nagdaraan ang kumikinang na liwanag, ang mga taong ito na labis na nagdurusa ay nananatiling nakakulong sa isang madilim na piitan nang walang pag-asang mapalaya; kailan sila titigil sa pagluha? Grabe ang kasawian ng marurupok na espiritung ito na hindi kailanman napagkalooban ng kapahingahan, at matagal nang patuloy na nakatali sa kalagayang ito ng walang-awang mga gapos at malamig na kasaysayan. At sino na ang nakarinig sa ingay ng kanilang pagdaing? Sino na ang nakakita sa kanilang kaawa-awang kalagayan? Naisip mo na ba kung gaano kalungkot at kabalisa ang puso ng Diyos? Paano Niya matitiis na makita ang inosenteng sangkatauhan, na nilikha ng sarili Niyang mga kamay, na nagdaranas ng gayong paghihirap? Kunsabagay, ang sangkatauhan ang kapus-palad na mga biktimang nalason na. At bagama’t nanatiling buhay ang tao hanggang sa araw na ito, sino ang makakaalam na matagal nang nalason ng masamang nilalang ang sangkatauhan? Nalimutan mo na ba na isa ka sa mga biktima? Hindi ka ba handang patuloy na mabuhay, dala ng iyong pagmamahal sa Diyos, upang iligtas ang mga taong ito? Hindi ka ba handang ilaan ang lahat ng iyong lakas upang suklian ang Diyos, na nagmamahal sa sangkatauhan na parang sarili Niyang laman at dugo? Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, paano mo bibigyang-kahulugan ang pagkakasangkapan ng Diyos sa iyo upang maipamuhay mo ang iyong pambihirang buhay? Talaga bang mayroon kang matibay na pasiya at tiwala na ipamuhay ang makabuluhang buhay ng isang taong madasalin at mapaglingkod sa Diyos?
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mo Dapat Asikasuhin ang Misyon Mo sa Hinaharap?
Ano ang layunin ng malawakang pagpapalaganap ng ebanghelyo? Gaya nang patuloy na sinasabi mula nang magsimula ang bahaging ito ng gawain, naparito ang Diyos upang gampanan ang Kanyang gawain sa panahong ito upang pasinayaan ang isang bagong kapanahunan, upang paratingin ang isang bagong kapanahunan at wakasan ang luma, isang katunayan na maaari nang makita sa mga naririto ngayon at natupad na. Ibig sabihin, gumaganap ng bagong gawain ang Diyos, at tinanggap na ito ng mga tao dito at lumitaw na mula sa Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya, hindi na nagbabasa pa ng Biblia, hindi na nabubuhay pa sa ilalim ng krus, hindi na isinisigaw pa ang pangalan ng Panginoong Jesus ang Tagapagligtas, ngunit magkakasabay na nananalangin sa pangalan ng Diyos ng kasalukuyan at tinatanggap ang mga salitang ipinapahayag ngayon ng Diyos at tinatanggap ang mga ito bilang mga prinsipyo ng pagkaligtas ng buhay, mga pamamaraan, at mga layunin ng buhay ng tao. Sa ganitong paraan, hindi pa ba nakapasok sa isang bagong kapanahunan ang mga tao rito? Sa anong kapanahunan, kung gayon, nabubuhay ang mas maraming taong hindi tumanggap sa ebanghelyong ito at mga salitang ito? Nabubuhay pa rin sila sa Kapanahunan ng Biyaya. Trabaho na ninyo ngayong ilabas ang mga taong ito mula sa Kapanahunan ng Biyaya at papasukin sila sa bagong kapanahunang ito. Magagampanan mo ba ang tagubiling ito sa pamamagitan lamang ng pananalangin at pagtawag sa pangalan ng Diyos? Sapat na bang mangaral lamang ng ilang mga salita ng Diyos? Tiyak na hindi; kinakailangan na lahat kayo’y tumanggap ng pananagutan para sa tungkuling pagpapalaganap ng ebanghelyo, ng malawakang pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos, ng pagpapalaganap at pagpapalawak ng kanilang abot. Ano ang kahulugan ng “pagpapalawak ng kanilang abot”? Nangangahulugan ito ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos nang lagpas sa mga taong naririto; nangangahulugan ito nang pagpapabatid sa higit pang maraming tao tungkol sa bagong gawain ng Diyos, at pagkatapos ay ipangaral ang mga salita ng Diyos sa kanila. Nangangahulugan ito na gamitin ang inyong karanasan upang magpatotoo sa gawain ng Diyos at dalhin din sila sa bagong kapanahunan. Sa gayon, sila’y magiging katulad ninyo. Ang layunin ng Diyos ay malinaw—nais niya na hindi lamang kayo na nakarinig at tumanggap sa Kanyang mga salita at nagpasimulang sumunod sa Kanya ang makapasok sa bagong kapanahunan; nais Niyang pangunahan ang buong sangkatauhan papasok sa bagong kapanahunan. Ito ang layunin ng Diyos, at isang katotohanan ito na dapat maunawaan ng bawat taong sumusunod sa Diyos sa kasalukuyan. Hindi pinapangunahan ng Diyos ang isang pangkat o maliit na grupo ng mga tao papasok sa bagong kapanahunan, kundi pinapangunahan ang buong sangkatauhan papasok sa bagong kapanahunan. Upang makamit ang layuning ito, kinakailangan na malawakang maipalaganap ang ebanghelyo, at gumamit ng maraming pamamaraan at daluyan upang magawa ito.
mula sa “Para sa mga Lider at Manggagawa, Pagpili ng Isang Landas ang Pinakamahalaga (1)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo
Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay tungkulin at obligasyon ng lahat. Anumang oras, anuman ang ating marinig, o makita, o anumang klase ang pagtrato sa atin, kailangang palagi tayong manindigan sa responsibilidad na ito na ipalaganap ang ebanghelyo. Anuman ang sitwasyon, hindi natin dapat isuko ang tungkuling ito dahil sa pagiging negatibo o sa kahinaan. Ang tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo ay hindi maayos na pagsulong, kundi puno ng panganib. Kapag nagpalaganap ka ng ebanghelyo, hindi ka haharap sa mga anghel, o mga taga-ibang planeta, o mga robot. Haharap ka lamang sa masama at tiwaling sangkatauhan, sa buhay na mga demonyo, sa mga halimaw—lahat sila ay mga taong nabubuhay sa masamang kalawakang ito na lubhang nagawang tiwali ni Satanas at lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, sa proseso ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, tiyak na naroon ang lahat ng uri ng panganib, maliban pa sa walang-halagang paninirang-puri, panunuya, at di-pagkakaunawaan, at marami pang katulad nito. Kung ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay talagang itinuturing mong isang responsibilidad, isang obligasyon, at iyong tungkulin, magagawa mong ituring nang tama ang mga bagay na ito at mapamahalaan pa nang tama ang mga ito, at anumang oras ay hindi mo isusuko ang iyong responsibilidad at iyong obligasyon, ni hindi ka lilihis mula sa iyong orihinal na layunin na ipalaganap ang ebanghelyo at magpatotoo tungkol sa Diyos dahil sa mga bagay na ito, sapagkat ito ang tungkulin mo. Paano dapat unawain ang tungkuling ito? Ang kahalagahan at pangunahing responsibilidad ng buhay na ito na iyong ipinamumuhay ay ipalaganap ang mabuting balita ng gawain ng Diyos sa mga huling araw at ipalaganap ang ebanghelyo ng gawain ng Diyos.
mula sa “Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ay Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo
Ang ipinagkaloob Ko sa inyo ngayon ay higit pa kay Moises at higit pa kay David, kung kaya’t hinihiling Ko na ang inyong patotoo ay malampasan ang kay Moises at ang inyong mga salita ay maging higit pa kay David. Sandaang beses ang Aking ibinibigay sa inyo—kaya’t hinihiling Ko rin sa inyo na katumbas noon ang ibalik sa Akin. Dapat ninyong malaman na Ako ang nagkakaloob ng buhay sa sangkatauhan, at kayo ang tumatanggap ng buhay mula sa Akin at dapat magpatotoo sa Akin. Ito ang inyong tungkulin na Aking ipinapadala sa inyo at nararapat ninyong gawin para sa Akin. Ipinagkaloob Ko na sa inyo ang lahat ng Aking kaluwalhatian, ipinagkaloob Ko sa inyo ang buhay na hindi kailanman natanggap ng hinirang na bayan, ang mga Israelita. Kung tutuusin, dapat kayong magpatotoo sa Akin at italaga ang inyong kabataan at ialay ang inyong buhay sa Akin. Ang sinumang pagkalooban Ko ng Aking kaluwalhatian ay dapat na magpatotoo sa Akin at mag-alay ng kanilang buhay para sa Akin. Matagal Ko na itong naitadhana. Mapalad kayo na ipinagkakaloob Ko ang Aking kaluwalhatian sa inyo, at ang inyong tungkulin ay magpatotoo sa Aking kaluwalhatian. Kung maniniwala kayo sa Akin upang magtamo lamang ng mga pagpapala, walang gaanong magiging kabuluhan ang Aking gawain, at hindi ninyo maisasakatuparan ang inyong tungkulin. Ang nakita lamang ng mga Israelita ay ang Aking awa, pag-ibig, at kadakilaan, at ang nasaksihan lamang ng mga Judio ay ang Aking tiyaga at pagtubos. Kaunting-kaunti lamang ang nakita nila sa gawain ng Aking Espiritu; sa puntong ang naunawaan nila ay pawang katiting lang ng narinig at nakita ninyo. Nahigitan ng nakita ninyo maging ang mga pinunong saserdote sa gitna nila. Ang mga katotohanan na inyong naunawaan ngayon ay higit sa kanila; ang nakita ninyo ngayon ay higit pa sa nakita noong Kapanahunan ng Kautusan, pati na rin sa Kapanahunan ng Biyaya, at ang naranasan ninyo ay higit pa maging sa naranasan nina Moises at Elias. Sapagkat ang naunawaan lamang ng mga Israelita ay ang batas ni Jehova, at ang nakita nila ay ang likuran lamang ni Jehova; ang naunawaan lamang ng mga Judio ay ang pagtubos ni Jesus, ang natangap nila ay ang biyaya lamang na ipinagkaloob ni Jesus, at ang nakita nila ay ang larawan lamang ni Jesus sa loob ng tahanan ng mga Judio. Ang nakikita ninyo ngayon ay ang kaluwalhatian ni Jehova, ang pagtubos ni Jesus, at ang lahat ng Aking mga gawa sa araw na ito. Gayundin, narinig na ninyo ang mga salita ng Aking Espiritu, pinahalagahan ang Aking karunungan, nasaksihan ang Aking kamanghaan, at natutunan ang Aking disposisyon. Nasabi Ko na rin sa inyo ang lahat ng Aking plano ng pamamahala. Ang nasaksihan ninyo ay hindi lamang isang mapagmahal at maawaing Diyos, kundi isang Diyos na puspos ng katuwiran. Nakita na ninyo ang Aking nakamamanghang gawain at nalaman ninyong puno Ako ng kamahalan at poot. Higit pa rito, batid ninyong minsan na Akong nagdala ng Aking nag-aalab na poot sa sambahayan ng Israel, at ngayon, nakarating na ito sa inyo. Higit pa ang nauunawaan ninyo sa Aking mga misteryo sa langit kaysa kina Isaias at Juan; higit pa ang nalalaman ninyo tungkol sa Aking pagiging kaibig-ibig at pagiging kagalang-galang kaysa sa lahat ng banal ng mga nakaraang kapanahunan. Ang natanggap ninyo ay hindi lamang ang Aking katotohanan, ang Aking daan, at ang Aking buhay, kundi isang pangitain at pahayag na higit pa kaysa kay Juan. Naunawaan ninyo ang higit na maraming misteryo, at nasaksihan na rin ang Aking tunay na mukha; higit pa ang natanggap ninyo sa Aking paghatol at higit pa ang nalalaman ninyo tungkol sa Aking matuwid na disposisyon. Kung kaya, kahit na ipinanganak kayo sa mga huling araw, ang inyong pang-unawa ay sa nauna at nakalipas, at naranasan na rin ninyo ang mga bagay sa kasalukuyan, at ang lahat ng ito ay personal Kong ginawa. Hindi labis ang hinihingi Ko sa inyo, sapagkat napakarami Ko nang naibigay sa inyo, at marami na ang nakita ninyo sa Akin. Samakatuwid, hinihiling Ko sa inyong magpatotoo para sa Akin sa mga banal ng mga nagdaang kapanahunan, at ito lamang ang nais ng Aking puso.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?
Dapat ninyong gawin ang inyong sariling tungkulin sa abot ng inyong makakaya nang may bukas at tapat na mga puso, at maging handang magbayad ng anumang kinakailangang halaga. Gaya nga ng sinabi ninyo, pagdating ng araw na iyon, hindi pababayaan ng Diyos ang sinumang nagdusa o nagbayad para sa Kanya. Ang ganitong uri ng matibay na paniniwala ay karapat-dapat panghawakan, at nararapat lamang na hindi ninyo ito kailanman kalimutan. Sa ganitong paraan Ko lamang mapapalagay ang Aking isipan ukol sa inyo. Kung hindi, magpakailanman kayong magiging mga taong hindi Ko makakayang ipagpalagay ang Aking isipan, at magpakailanman kayong magiging mga layon ng Aking pag-ayaw. Kung masusunod ninyong lahat ang inyong konsensya, at ibibigay ang inyong lahat para sa Akin, nang walang hindi pagsusumikapan para sa Aking gawain, at mag-uukol ng buong buhay na pagsusumikap sa Aking gawain ng ebanghelyo, hindi ba’t laging lulukso sa tuwa ang Aking puso dahil sa inyo? Sa ganitong paraan, lubos Kong mapapalagay ang Aking isipan ukol sa inyo, hindi ba? Nakapanghihinayang na ang tanging nagagawa ninyo ay hamak at katiting na bahagi lamang ng Aking inaasahan. Yamang ganito ang kalagayan, ano’t may lakas kayo ng loob na hingin sa Akin ang inyong inaasam?
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Hantungan
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.