Pinatototohanan mo na nagbalik na sa katawang-tao ang Panginoong Jesus. Kung gayon nasaan ang Panginoon ngayon? Bakit hindi pa namin Siya nakikita? Pinaniniwalaan lamang ang isang bagay kapag nakita na ito, kaya ang katotohanan na hindi pa namin Siya nakikita ay nagpapatunay na hindi pa nagbabalik ang Panginoon. Maniniwala ako kapag nakita ko ito.

Enero 21, 2022

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Sinabi sa kanya ni Jesus, Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay: sinuman ay hindi makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko. Kung Ako’y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon Siya’y inyong mangakikilala, at Siya’y inyong nakita. Sinabi sa Kanya ni Felipe, Panginoon, ipakita Mo sa amin ang Ama, at sapat na ito sa amin. Sinabi sa kanya ni Jesus, Malaon nang panahong Ako’y inyong kasama, at hindi Mo ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa Akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita Mo sa amin ang Ama? Hindi ka baga nananampalataya na Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin? Ang mga salitang Aking sinasabi sa inyo’y hindi Ko sinasalita sa Aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa Akin ay gumagawa ng Kanyang mga gawa. Magsisampalataya kayo sa Akin na Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin: o kundi kaya’y magsisampalataya kayo sa Akin dahil sa mga gawa rin” (Juan 14:6–11).

“At pagkaraan ng walong araw ay muling nasa loob ang kanyang mga alagad, at kasama nila si Tomas: pagkaraan ay dumating si Jesus, nangapipinid ang mga pinto, at tumayo sa gitna, at sinabi, ‘Kapayapaan ang sumainyo.’ Nang magkagayon ay sinabi Niya kay Tomas, ‘Idaiti mo rito ang iyong daliri, at tingnan mo ang Aking mga kamay; at idaiti mo rito ang iyong kamay, at isuot mo ito sa Aking tagiliran: at huwag kang maging walang pananalig, kundi mapanampalatayahin.’ Sumagot si Tomas, at sa Kaniya ay sinabi, ‘Panginoon ko at Diyos ko.’ Sinabi sa kanya ni Jesus, ‘Tomas, sapagkat Ako ay nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon man ay nagsisampalataya’” (Juan 20:26–29).

“Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin” (Juan 10:27).

“Kaya nga ang pananalig ay nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo” (Roma 10:17).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Sinabi ni Jesus na ang Espiritu ng katotohanan ay ipagkakaloob sa tao sa mga huling araw. Ito na ang mga huling araw; nauunawaan mo ba kung paano nagpapahayag ng mga salita ang Espiritu ng katotohanan? Saan nagpapakita at gumagawa ang Espiritu ng katotohanan? Sa aklat ng propesiya ng propetang si Isaias, hindi binanggit kailanman na isang batang nagngangalang Jesus ang isisilang sa kapanahunan ng Bagong Tipan; nakasulat lamang na may isang sanggol na lalaking nagngangalang Emmanuel ang isisilang. Bakit hindi binanggit ang pangalang “Jesus”? Hindi lumitaw ang pangalang ito kahit saan sa Lumang Tipan, kung gayon, bakit nananampalataya ka pa rin kay Jesus? Siguradong hindi ka nagsimulang manampalataya kay Jesus matapos mo Siyang makita sa sarili mong mga mata, hindi ba? O nagsimula ka bang manampalataya nang makatanggap ka ng isang paghahayag? Talaga bang pakikitaan ka ng Diyos ng gayong biyaya? Pagkakalooban ka ba Niya ng gayon kalalaking pagpapala? Ano ang batayan ng iyong pananampalataya kay Jesus? Bakit hindi ka naniniwala na naging tao na ang Diyos ngayon? Bakit mo sinasabi na ang kawalan ng isang paghahayag sa iyo mula sa Diyos ay nagpapatunay na hindi Siya nagkatawang-tao sa laman? Kailangan bang magbigay-alam ang Diyos sa mga tao bago Niya simulan ang Kanyang gawain? Kailangan ba muna Niyang matanggap ang kanilang pagsang-ayon? Sinabi lamang ni Isaias na isisilang ang isang lalaking sanggol sa isang sabsaban; hindi niya ipinropesiya kailanman na si Maria ang magluluwal kay Jesus. Saan mo ba talaga ibinabatay ang iyong pananampalataya kay Jesus na isinilang ni Maria? Siguradong hindi magulo ang iyong pananampalataya?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paanong Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos Iyong mga Naglimita sa Kanya sa Kanilang mga Kuru-kuro?

Mula simula hanggang wakas, ginagampanan na ng Diyos ang Kanyang gawain ng pamamahala at pagliligtas sa tao sa gitna ng sangkatauhan. Mula simula hanggang wakas, mayroong iisang Diyos lamang na gumagawa, nagsasalita, nagtuturo at gumagabay sa sangkatauhan. Ang Diyos na ito ay umiiral. Napakarami nang sinambit na salita ang Diyos ngayon, nakita na natin Siya nang harapan, narinig na natin Siyang magsalita, naranasan na natin ang gawain Niya, at kumain at uminom na tayo ng Kanyang mga salita, tinatanggap ang Kanyang mga salita sa loob natin upang maging buhay natin. At patuloy tayong ginagabayan at binabago ng mga salitang ito. Ang Diyos na ito ay tunay ngang umiiral. Kaya, dapat nating paniwalaan, gaya ng sinabi ng Diyos, ang katunayan na nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, at ang katunayan na nilikha ng Diyos sina Adan at Eba sa pasimula. Dahil naniniwala kang umiiral ang Diyos na ito at lumapit ka na ngayon sa harap Niya, kailangan mo pa rin bang kumpirmahin na ang gawaing ginawa ni Jehova ay ang gawain ng Diyos na ito? Kung walang makakapagkumpirma rito at walang nakakasaksi rito, hindi mo ba ito paniniwalaan? O tungkol naman sa gawain mula sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ka ba naniniwala na si Jesus ang Diyos na nagkatawang-tao dahil hindi mo Siya nakita kailanman? Kung hindi mo personal na nakita ang kasalukuyang Diyos na nagsalita, gumawa o nagkatawang-tao, hindi mo ba ito paniniwalaan? Kung hindi mo nakita ang mga bagay na ito o walang mga saksing magpapatunay sa mga bagay na ito, hindi mo ba paniniwalaan ang lahat ng ito? Ito ay dahil sa isang walang katuturang pananaw ng mga tao sa loob nila. Ito ay isang pagkakamaling ginagawa ng napakaraming tao. Kailangan nilang makita nang personal ang lahat, at kung hindi, hindi nila ito paniniwalaan. Ito ay mali. Kung ang isang tao ay tunay na nakakakilala sa Diyos, kung gayon, kahit hindi nakakakita, nagagawa nilang maniwala sa salita ng Diyos at nagagawang patunayan ang salita ng Diyos. Saka pa lamang na siya ay ang uri ng taong nakakaunawa sa katotohanan at mayroong tunay na pananalig. Ngayong nakita na natin ang mga salitang ito ng Diyos at narinig na natin ang Kanyang tinig, sapat na iyon para pagkalooban tayo ng tunay na pananalig at sa gayon ay magawa nating sumunod sa Kanya at maniwala sa bawat salita at sa lahat ng gawain na nagmumula sa Diyos. Hindi na natin kailangang patuloy na suriin o saliksikin ang mga bagay-bagay. Hindi ba’t iyan ang uri ng katwiran na dapat taglayin ng mga tao? Walang sinuman ang nakasaksi nang likhain ng Diyos ang sangkatauhan, ngunit ngayon ang Diyos ay nagkatawang-tao upang magpahayag ng mga katotohanan at iligtas ang sangkatauhan, upang gampanan ang Kanyang gawain nang praktikal, at upang lumakad sa gitna ng mga iglesia at gumawa kasama ng sangkatauhan. Hindi ba’t nakita na ito ng maraming tao? Hindi lahat ay nagagawang makita ito, ngunit pinaniniwalaan mo ito. Bakit mo ito pinaniniwalaan? Hindi ba’t naniniwala ka lang dahil nararamdaman mong ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan at na ito ang tunay na daan at ang gawain ng Diyos? Masasabi mo pa rin bang, “Sa yugtong ito ng gawain ng diyos, narinig ko siyang magsalita, at nakita ko rin ang mga salita ng diyos. Totoo na ang mga salitang ito ay nagmula sa diyos. Ngunit pagdating sa gawain ng panginoong Jesus na pagpapapako sa krus, hindi ko nahawakan ang mga bakas ng pako sa kanya, kaya hindi ko pinaniniwalaan ang katunayan na siya ay ipinako sa krus. Hindi ko nasaksihan ang gawain na ginawa ng diyos na si Jehova noong Kapanahunan ng Kautusan, at hindi ko narinig ang mga kautusan nang ipahayag niya ang mga ito. Tanging si Moises lang ang nakarinig sa mga iyon at ang sumulat ng Limang Aklat ni Moises, ngunit hindi ko alam kung paano niya isinulat ang mga iyon”? Nasa normal na kalagayan ba ng pag-iisip ang mga taong nagsasabi ng mga bagay na ito? Sila ay mga hindi mananampalataya at hindi mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos. Ito ay gaya lang nang sabihin ng mga Israelita na, “Si Jehova ba ay kay Moises lamang nakipag-usap? Hindi ba Siya nakipag-usap din sa atin?” (Mga Bilang 12:2). Ang ibig nilang sabihin ay, “Hindi kami makikinig kay Moises, dapat naming marinig ito nang personal mula sa Diyos na si Jehova.” Gaya nang sabihin ng mga tao noong Kapanahunan ng Biyaya na, dahil hindi nila ito personal na nakita gamit ang sarili nilang mga mata, hindi sila naniwala na si Jesus ay ipinako sa krus o na Siya ay muling nabuhay. May isang alagad na ang pangalan ay Tomas na nagpumilit na mahawakan ang mga bakas ng pako kay Jesus. At ano ang sinabi ng Panginoong Jesus sa kanya? (“Sapagkat Ako ay nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon man ay nagsisampalataya” (Juan 20:29).) “Mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon man ay nagsisampalataya.” Ano ang ibig sabihin nito? Wala ba talaga silang nakita? Ang totoo, ang lahat ng bagay na sinabi ni Jesus at ang lahat ng gawain na ginawa Niya ay nagpatunay na si Jesus ay ang Diyos, kaya dapat pinaniwalaan ito ng mga tao. Hindi nila kinailangan na gumawa pa si Jesus ng mas maraming tanda at kababalaghan o magsalita ng mas maraming salita, ni hindi nila kinailangan ng pagpapatunay sa pamamagitan ng pagdama sa Kanyang mga marka ng pako, bago sila makapanampalataya. Ang tunay na pananalig ay hindi umaasa lamang sa pagkakita—sa halip, taglay ang espirituwal na pagpapatunay, ang isang tao ay makapananampalataya hanggang sa pinakadulo nang hindi kailanman nagdududa. Umasa lamang si Tomas sa pagkakita, at siya ay isang hindi mananampalataya. Huwag maging katulad ni Tomas.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw Maaaring Tunay na Magbago ang Isang Tao

Sinabi ng Panginoong Jesus kay Tomas, “Sapagkat Ako ay nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon man ay nagsisampalataya” (Juan 20:29). Ang mga salitang ito ay nangangahulugan na siya ay kinondena na ng Panginoong Jesus at na siya ay isang hindi mananampalataya. Kung tunay kang nananampalataya sa Panginoon, at naniniwala na ang lahat ng salitang sinasabi Niya ay ang katotohanan, at hindi mo pinagdududahan ang Panginoon sa iyong puso, pagpapalain ka. Gayumpaman, may ilang tao na sumunod sa Panginoong Jesus nang ilang taon ngunit hindi naniniwala na ang mga salita ng Panginoong Jesus ay ang katotohanan, lalong hindi sila naniniwala na maaari Siyang mabuhay na mag-uli mula sa mga patay, o na Siya ang Diyos na makapangyarihan sa lahat. Ang mga taong iyon ay walang tunay na pananalig at hindi sila magkakamit ng mga pagpapala. Ang mga nananampalataya sa Panginoon ngunit hindi naniniwala na Siya ang katotohanan ay walang makakamit na anuman. Kung palagi kang may mga pagdududa sa iyong pananampalataya sa Diyos, at palagi mong gusto na magpakita ang Diyos sa iyo o gumawa ng mga tanda at kababalaghan bago ka manampalataya sa Kanya, hindi ito pananalig—ito ay paniniwala lamang pagkatapos makakita. Bilang isang nilikha, paano ka naging kalipikado na hilingin sa Diyos na personal na magpakita sa iyo? Paano ka naging kalipikado na hilingin sa Kanya na personal na magsalita sa iyo, isang taong ginawang tiwali? Bukod pa rito, paano ka naging kalipikado na hilingin sa Kanya na ipaliwanag nang malinaw ang lahat ng bagay sa iyo bago ka maniwala? Kung nagtataglay ka ng katwiran, maniniwala ka pagkatapos mo lang makita na ang mga salitang ito na sinasabi ng Diyos ay pawang ang katotohanan. Kung tunay kang may pananalig, hindi mahalaga sa iyo kung ano ang sinasabi ng Diyos o kung ano ang Kanyang ginagawa, ni hindi magiging mahalaga sa iyo kung gaano kanormal ang Kanyang pagkatao. Sa halip, pagkakita na ang mga salita ng Diyos ay pawang ang katotohanan, magiging isandaang porsiyento ka nang kumbinsido na sinabi ng Diyos ang mga ito at na ginawa Niya ang mga bagay na ito, at magkakaroon ka ng pananalig na sumunod sa Diyos hanggang sa wakas, nang walang mga pagdududa. Ang mga may pagdududa ay mapanlinlang na mga tao. Nananampalataya sila sa Diyos ngunit hindi naniniwala sa katotohanan. Palagi nilang gustong maunawaan ang mga misteryong iyon, at tunay lamang na mananampalataya pagkatapos nilang lubos na maarok ang mga ito. Ang paunang kondisyon nila para manampalataya sa Diyos ay na dapat nilang malinaw na maunawaan kung paano dumating ang Diyos na nagkatawang-tao, kung kailan Siya dumating, kung paano Siya gumagawa pagdating Niya, kung gaano katagal Siyang gagawa bago Siya umalis, kung ano ang magiging proseso ng Kanyang pag-alis, kung saan Siya pupunta pagkaalis Niya…. Gusto nilang maunawaan ang ilang misteryo; nandito sila para siyasatin ang mga ito, hindi para hanapin ang katotohanan. Iniisip nila na hindi sila makapananampalataya sa Diyos kung hindi nila nauunawaan ang mga misteryong ito, na para bang hinahadlangan sila nito na manampalataya sa Diyos. Ang katunayan na kinikimkim nila ang pananaw na ito ay nangangahulugan ng problema. Kung palagi nilang sinasaliksik ang mga misteryo, hindi sila magiging interesado sa katotohanan sa kanilang puso, at wala silang magiging intensyong pakinggan ang katotohanan. Kung gayon, hindi nila magagawang maunawaan ang katotohanan. Kung hindi sila nagbabasa ng mga salita ng Diyos o hindi nakatuon sa pagbubulay-bulay sa mga salita ng Diyos, makikilala ba ng gayong mga tao ang kanilang sarili? Kung hindi magiging madali para sa kanila na makilala ang kanilang sarili, magkakaroon ba sila ng buhay pagpasok? Makakamit ba nila ang katotohanan? Talagang hindi.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw Maaaring Tunay na Magbago ang Isang Tao

Bago ipinako sa krus ang Panginoong Jesus, palaging nagdududa si Tomas na Siya ang Cristo, at hindi magawang maniwala. Ang kanyang pananampalataya sa Diyos ay naitatag lang sa batayan ng kung ano ang kanyang nakikita sa kanyang sariling mga mata, kung ano ang kanyang nahahawakan sa kanyang sariling mga kamay. May mabuting pagkaunawa ang Panginoong Jesus sa pananampalataya ng ganitong uri ng tao. Naniniwala lang sila sa Diyos na nasa langit, at hindi talaga naniwala sa Isa na ipinadala ng Diyos, o sa Cristo na nasa katawang-tao, at hindi rin nila matatanggap Siya. Upang kilalanin at paniwalaan ni Tomas ang pag-iral ng Panginoong Jesus at na tunay na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, pinahintulutan Niya si Tomas na idaiti ang kanyang kamay at hawakan ang Kanyang tadyang. May pinagkaiba ba sa pagdududa ni Tomas bago at pagkatapos ng muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus? Palagi siyang nagdududa, at maliban sa personal na pagpapakita sa kanya ng espirituwal na katawan ng Panginoong Jesus at pagpapahintulot sa kanya na mahawakan ang mga bakas ng pako sa katawan ng Panginoong Jesus, walang paraan na malulutas ng sinuman ang kanyang mga pagdududa at mapangyaring alisin niya ang mga ito. Kaya, mula sa sandaling pinahintulutan ng Panginoong Jesus si Tomas na hawakan ang Kanyang tadyang at hayaan itong mahipo na mayroong mga bakas ng pako, naglaho ang pagdududa ni Tomas, at tunay na nalaman niya na ang Panginoong Jesus ay muling nabuhay, at kinilala at pinaniwalaan niya na ang Panginoong Jesus ang tunay na Cristo at ang Diyos na nagkatawang-tao. Bagaman sa sandaling ito ay hindi na nagduda si Tomas, nawala niya magpakailanman ang pagkakataon na makatagpo si Cristo. Nawala niya magpakailanman ang pagkakataon na makasama Siya, na sumunod sa Kanya, na makilala Siya. Nawala niya ang pagkakataon na magawa siyang perpekto ni Cristo. Ang pagpapakita ng Panginoong Jesus at ang Kanyang mga salita ay nagbigay ng katapusan at ng hatol sa pananampalataya niyaong puno ng mga pagdududa. Ginamit Niya ang Kanyang mga praktikal na salita at mga pagkilos upang sabihin sa mga mapagduda, upang sabihin sa mga naniwala lang sa Diyos sa langit ngunit hindi naniwala kay Cristo: Hindi pinuri ng Diyos ang kanilang paniniwala, ni pinuri Niya ang mga ito para sa kanilang pagsunod sa Kanya habang nagdududa sa Kanya. Ang araw na lubos silang naniwala sa Diyos at kay Cristo ay ang araw lang na natapos na ng Diyos ang Kanyang dakilang gawain. Mangyari pa, ang araw na iyon ay ang araw rin na nabuo ang hatol sa kanilang pagdududa. Ang kanilang saloobin tungo kay Cristo ang tumukoy sa kanilang kapalaran, at nangahulugan ang kanilang matigas na pagdududa na hindi nagbunga ang kanilang pananampalataya, at nangangahulugan ang kanilang katigasan na nawalan ng saysay ang kanilang mga pag-asa. Sapagkat bunga ng mga ilusyon ang kanilang paniniwala sa Diyos sa langit, at ang kanilang pagdududa tungo kay Cristo ay ang kanila talagang tunay na saloobin tungo sa Diyos, kahit na nahawakan nila ang mga bakas ng pako sa katawan ng Panginoong Jesus, wala pa ring silbi ang kanilang pananampalataya at mailalarawan lang ang kanilang kahihinatnan bilang pagsalok ng tubig gamit ang isang basket na kawayan—lahat ay walang saysay. Ang sinabi ng Panginoong Jesus kay Tomas ay napakalinaw rin na Kanyang paraan ng pagsasabi sa bawat isang tao: Ang Panginoong Jesus na muling nabuhay ay ang Panginoong Jesus, na gumugol ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon na gumagawa sa gitna ng sangkatauhan. Bagaman napako Siya sa krus at naranasan ang lambak ng anino ng kamatayan, at bagaman naranasan Niya ang muling mabuhay, hindi Siya sumailalim sa anumang pagbabago sa anumang aspeto. Bagaman mayroon na Siya ngayong mga bakas ng pako sa Kanyang katawan, at bagaman muli Siyang nabuhay at lumabas mula sa libingan, ang Kanyang disposisyon, ang Kanyang pagkaunawa sa sangkatauhan, at ang Kanyang mga layunin tungo sa sangkatauhan ay hindi nagbago kahit na kaunti. Gayundin, sinasabi Niya sa mga tao na bumaba Siya mula sa krus, napagtagumpayan ang kasalanan, napagtagumpayan ang mga paghihirap, at napagtagumpayan ang kamatayan. Ang mga bakas ng pako ay ang katunayan lang ng Kanyang tagumpay kay Satanas, katunayan ng pagiging isang handog para sa kasalanan upang matagumpay na matubos ang buong sangkatauhan. Sinasabi Niya sa mga tao na inako na Niya ang mga kasalanan ng sangkatauhan at natapos na Niya ang Kanyang gawain ng pagtubos. Nang bumalik Siya upang makita ang Kanyang mga disipulo, sinabi Niya sa kanila ang mensaheng ito sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita: “Ako ay buhay pa rin, umiiral pa rin Ako; sa araw na ito ay talagang nakatayo Ako sa inyong harapan nang makita at mahawakan ninyo Ako. Ako ay palaging sasainyo.” Ninais din ng Panginoong Jesus na gamitin ang kaso ni Tomas bilang isang babala para sa mga tao sa hinaharap: Bagaman hindi mo nakikita ni nahahawakan ang Panginoong Jesus sa iyong pananampalataya sa Kanya, pinagpala ka dahil sa iyong tunay na pananampalataya, at makikita mo ang Panginoong Jesus dahil sa iyong tunay na pananampalataya, at pinagpala ang ganitong uri ng tao.

Ang mga salitang ito na naitala sa Bibliya na sinabi ng Panginoong Jesus nang Siya ay magpakita kay Tomas ay malaking tulong sa lahat ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang Kanyang pagpapakita kay Tomas at ang mga salitang sinabi Niya rito ay mayroong malaking epekto sa sumunod na mga salinlahi, taglay ng mga ito ang walang hanggang kahalagahan. Kumakatawan si Tomas sa isang uri ng tao na naniniwala sa Diyos subalit pinagdududahan ang Diyos. Sila ay likas na mapagduda, may masasamang puso, mga mapandaya, at hindi naniniwala sa mga bagay na kayang gawin ng Diyos. Hindi sila naniniwala sa walang hanggang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at hindi rin sila naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao. Gayunpaman, ang muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus ay tahasang sumasalungat sa mga katangiang ito na mayroon sila, at nagbigay rin ito ng pagkakataon sa kanila upang matuklasan ang kanilang sariling pagdududa, upang makilala ang kanilang sariling pagdududa, at upang makilala ang kanilang sariling kataksilan, sa gayon ay tunay na maniwala sa pag-iral at sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus. Ang nangyari kay Tomas ay isang babala at isang pag-iingat para sa susunod na mga salinlahi upang mas maraming tao ang makapagbababala sa kanilang mga sarili na huwag maging mapagduda gaya ni Tomas, at na kung punuin nila ang kanilang mga sarili ng pagdududa, lulubog sila sa kadiliman. Kung sumusunod ka sa Diyos, ngunit gaya lang ni Tomas, na laging ninanais na mahawakan ang tadyang ng Panginoon at madama ang Kanyang mga bakas ng pako upang makatiyak, upang mapatunayan, upang magpalagay kung umiiral ba o hindi ang Diyos, tatalikdan ka ng Diyos. Kaya, hinihingi ng Panginoong Jesus sa mga tao na huwag maging gaya ni Tomas, pinaniniwalaan lang kung ano ang kanilang nakikita sa kanilang sariling mga mata, bagkus ay maging dalisay, matatapat na tao, hindi nagkikimkim ng mga pagdududa tungkol sa Diyos, at nananampalataya at sumusunod lang sa Kanya. Pinagpala ang mga taong gaya nito. Isang napakaliit na hinihingi ito ng Panginoong Jesus sa mga tao, at isang babala ito para sa Kanyang mga tagasunod.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

Nais ba ninyong malaman ang pinag-ugatan ng paglaban ng mga Pariseo kay Jesus? Nais ba ninyong malaman ang diwa ng mga Pariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila hinangad ang buhay katotohanan. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa daan ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang daan ng katotohanan. Sa palagay ninyo, matatamo ba ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Magagawa ba nilang mamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang daan ng katotohanang sinabi ni Jesus, at, higit pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At yamang hindi pa nila kailanman nakita ang Mesiyas at hindi rin Siya nakasalamuha, nagawa nila ang pagkakamali na kumapit lamang sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa lahat ng posibleng paraan. Ang mga Pariseong ito, sa kanilang diwa, ay mga sutil, mapagmataas, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng kanilang pananampalataya sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral mo, gaano man kataas ang iyong awtoridad, hindi ikaw si Cristo maliban kung ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang paniniwalang ito? Tinatanong Ko pa kayo: Hindi ba napakadali para sa inyo ang gawin ang mga pagkakamali ng mga Pariseo ng panahon na iyon, yamang wala kayo ni katiting na pagkaunawa kay Jesus? Kaya mo bang makilatis ang daan ng katotohanan? Talaga bang magagarantiyahan mo na hindi mo lalabanan si Cristo? Magagawa mo bang sundan ang gawain ng Banal na Espiritu? Kung hindi mo alam kung lalabanan mo si Cristo, sinasabi Ko na nabubuhay ka na sa bingit ng kamatayan. Yaong mga hindi nakakilala sa Mesiyas ay pawang may kakayahang gumawa ng mga kilos ng paglaban kay Jesus, pagtanggi kay Jesus, at paninira kay Jesus. Lahat ng taong hindi nakakaunawa kay Jesus ay kaya Siyang tanggihan at laitin. Higit pa riyan, kaya nilang ituring na panlilihis ni Satanas ang pagbabalik ni Jesus, at karamihan ng mga taong ito ang kokondena kay Jesus na nagbalik sa katawang-tao. Hindi ba kayo natatakot sa lahat ng ito? Ang kinakaharap ninyo ay magiging kalapastanganan sa Banal na Espiritu, pagpunit sa mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia, at pagtaboy sa lahat ng salitang ipinahayag ni Jesus. Ano ang makakamit ninyo kay Jesus kung gulong-gulo ang inyong pag-iisip?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago Na ng Diyos ang Langit at Lupa

Narinig ni Job ang Diyos sa Pamamagitan ng Pagdinig ng Tainga

Job 9:11  Narito, Siya’y dumaraan sa siping ko, at hindi ko Siya nakikita: Siya’y nagpapatuloy rin naman, ngunit hindi ko Siya namamataan.

Job 23:8–9  Narito, ako’y nagpapatuloy, ngunit wala Siya roon; at sa dakong likuran, ngunit hindi ko Siya mamataan: Sa kaliwa pagka Siya’y gumagawa, ngunit hindi ko mamasdan Siya: Siya’y nagkukubli sa kanan, na hindi ko makita Siya.

Job 42:2–6  Nalalaman ko na magagawa Mo ang lahat ng mga bagay, at wala Kang saloobin na mapipigil. Sino itong nagkukubli ng payo na walang kaalaman? Kaya’t aking sinambit na hindi ko nauunawa; mga bagay na totoong kagilagilalas sa akin na hindi ko nalalaman. Dinggin Mo, isinasamo ko sa Iyo, at ako’y magsasalita; ako’y magtatanong sa Iyo, at magpahayag Ka sa akin. Narinig Kita sa pakikinig ng pakinig: ngunit ngayo’y nakikita Ka ng aking mata. Kaya’t ako’y nayayamot sa sarili, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo.

Bagama’t Hindi Ibinunyag ng Diyos ang Sarili Niya kay Job, si Job ay Naniniwala sa Kataas-taasang Kapangyarihan ng Diyos

Ano ang isinusulong ng mga salitang ito? Nakikita ba ninyo na may isang katunayan dito? Una, paano nalaman ni Job na may Diyos? At paano niya nalaman na ang mga langit at lupa at lahat ng bagay ay pinamamahalaan ng Diyos? Narito ang isang sipi na sumasagot sa dalawang katanungang ito: “Narinig Kita sa pakikinig ng pakinig: ngunit ngayo’y nakikita Ka ng aking mata. Kaya’t ako’y nayayamot sa sarili, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo.” Mula sa mga salitang ito ay nalaman natin, na sa halip na makita ang Diyos sa kanyang sariling mga mata, natutuhan ni Job ang tungkol sa Diyos mula sa alamat. Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, siya ay nagsimulang lumakad sa landas ng pagsunod sa Diyos, matapos nito ay nakumpirma niya ang pag-iral ng Diyos sa kanyang buhay, at sa lahat ng bagay. May isang hindi maikakailang katunayan dito—at ano ang katunayang iyon? Sa kabila ng kakayahang sundin ang daan ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan, hindi pa kailanman nakita ni Job ang Diyos. Dito, hindi ba siya kapareho ng mga tao sa ngayon? Hindi pa kailanman nakita ni Job ang Diyos, ipinapahiwatig nito na bagama’t narinig niya ang tungkol sa Diyos, hindi niya alam kung nasaan ang Diyos, o kung ano ang katulad ng Diyos, o kung ano ang ginagawa ng Diyos. Lahat ng mga ito ay mga pansariling kadahilanan; sa isang walang kinikilingang pananalita, bagama’t sinunod niya ang Diyos, ang Diyos ay hindi kailanman nagpakita sa kanya o nakipag-usap sa kanya. Hindi ba ito isang katunayan? Kahit na hindi nakipag-usap ang Diyos kay Job o kaya ay nagbigay sa kanya ng anumang utos, nakita ni Job ang pag-iral ng Diyos, at napagmasdan niya ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa gitna ng lahat ng bagay at sa mga alamat kung saan natutuhan ni Job ang tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng pakikinig, at pagkatapos nito ay sinimulan niya ang buhay na may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan. Ganito ang simula at proseso kung paano sumunod si Job sa Diyos. …

Ang Pananampalataya ni Job sa Diyos ay Hindi Nayayanig ng Katunayan na ang Diyos ay Nakatago sa Kanya

Sa sumusunod na sipi ng kasulatan, nagsabi si Job, “Narito, ako’y nagpapatuloy, ngunit wala Siya roon; at sa dakong likuran, ngunit hindi ko Siya mamataan: Sa kaliwa pagka Siya’y gumagawa, ngunit hindi ko mamasdan Siya: Siya’y nagkukubli sa kanan, na hindi ko makita Siya” (Job 23:8–9). Sa salaysay na ito, nalalaman natin na sa buong karanasan ni Job, ang Diyos ay nakatago sa kanya; ang Diyos ay hindi lantarang nagpakita sa kanya, at hindi rin Siya lantarang nangusap ng anumang salita sa kanya, gayunman sa kanyang puso, si Job ay may tiwala sa pag-iral ng Diyos. Palagi siyang naniniwala na ang Diyos ay maaaring naglalakad sa harap niya, o maaaring kumikilos sa kanyang tabi, at kahit na hindi niya nakikita ang Diyos, ang Diyos ay nasa tabi niya, pinamamahalaan ang lahat tungkol sa kanya. Hindi kailanman nakita ni Job ang Diyos, ngunit nagawa niyang manatiling totoo sa kanyang pananampalataya, na walang ibang taong nakagawa. Bakit hindi ito magawa ng ibang tao? Ito ay dahil sa hindi nakipag-usap ang Diyos kay Job, o nagpakita sa kanya, at kung siya ay hindi tunay na naniwala, hindi niya magagawang magpatuloy, o mananatili sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Hindi ba ito totoo? Ano ang nararamdaman mo kapag nababasa mo na sinasabi ni Job ang mga salitang ito? Nararamdaman mo ba na totoo ang pagka-perpekto at pagkamatuwid ni Job, at ang kanyang pagkamakatuwiran sa harap ng Diyos, at na hindi ito isang kalabisan sa panig ng Diyos? Kahit na itinuring ng Diyos si Job katulad ng pagturing Niya sa ibang tao, at hindi nagpakita o nakipag-usap sa kanya, naging matatag pa rin si Job sa kanyang katapatan, naniwala pa rin siya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at, bukod pa rito, madalas siyang nag-alay ng mga sinusunog na handog at nanalangin sa harap ng Diyos bilang bunga ng kanyang takot na magkasala sa Diyos. Sa kakayahan ni Job na magkaroon ng takot sa Diyos nang hindi pa nakikita ang Diyos, nakikita natin kung gaano niya kamahal ang mga positibong bagay, at kung gaano katatag at katotoo ang kanyang pananampalataya. Hindi niya ikinaila na may Diyos dahil ang Diyos ay nakatago mula sa kanya, at hindi nawala ang kanyang pananampalataya at hindi niya itinakwil ang Diyos dahil hindi pa niya kailanman nakita ang Diyos. Sa halip, sa gitna ng mga nakatagong gawain ng Diyos sa Kanyang pamamahala sa lahat ng bagay, natanto niya ang pag-iral ng Diyos, at nadama ang kataas-taasang kapangyarihan at lakas ng Diyos. Hindi niya isinuko ang pagiging matuwid dahil ang Diyos ay nakatago, at hindi rin niya itinakwil ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan dahil ang Diyos ay hindi kailanman nagpakita sa kanya. Hindi kailanman hiningi ni Job na lantarang magpakita ang Diyos sa kanya upang patunayan ang Kanyang pag-iral, dahil nakita na niya ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, at naniwala siya na natanggap niya ang mga pagpapala at biyaya na hindi nakamit ng iba. Bagama’t ang Diyos ay nanatiling nakatago sa kanya, ang pananampalataya ni Job sa Diyos ay hindi kailanman nayanig. Kaya, inani niya ang hindi pa nakukuha ng iba: Ang pagsang-ayon ng Diyos at pagpapala ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Yamang hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang mga layunin ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagbigkas Niya. Ito ay dahil kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos; kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga yapak ng Diyos, nakaligtaan ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” Kung kaya, maraming tao, kahit pa makamit nila ang katotohanan, ang hindi naniniwala na natagpuan na nila ang mga yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi makakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, lalong hindi makakapagpakita ang Diyos sa paraang iginigiit ng tao na magpakita Siya. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpili at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin at sarili Niyang mga pamamaraan. Anuman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalong hindi Niya kailangang ipaalam sa bawat isang tao ang Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, at lalong dapat pa itong makilala ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasakop sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at magpasakop.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan

Hindi mahirap na suriin ang gayong bagay, ngunit kinakailangan nito na malaman muna ng bawat isa sa atin ang katotohanang ito: Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, dinadala Niya ang gawaing nilalayon Niyang gawin, at dahil Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, ipinapahayag Niya kung ano Siya, at nagagawa Niyang ihatid sa tao ang katotohanan, pagkalooban ito ng buhay, at ituro dito ang daan. Ang laman na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung nilalayon ng tao na suriin kung ito ba ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, kailangan itong tukuyin ng tao mula sa disposisyon na ipinapahayag ng Diyos at sa mga salitang sinasambit ng Diyos. Ibig sabihin, para matukoy kung ito nga ba ang nagkatawang-taong laman ng Diyos o hindi, at kung ito nga ba ang tunay na daan o hindi, kailangang makilala ang kaibhan batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, ang susi sa kung ito ba o hindi ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay nakasalalay sa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga salita, Kanyang disposisyon, at marami pang ibang aspekto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung sinusuri ng tao ang panlabas na anyo lamang ng Diyos, at dahil dito ay hindi niya napapansin ang diwa ng Diyos, ipinapakita nito na ang tao ay hangal at mangmang. Hindi matutukoy ng panlabas na anyo ang diwa; bukod pa riyan, ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman maaaring umayon sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi ba’t ang panlabas na anyo ni Jesus ay salungat sa mga kuru-kuro ng tao? Hindi ba’t ang Kanyang hitsura at pananamit ay hindi nakapagpakita ng Kanyang tunay na pagkakakilanlan? Hindi ba’t tinutulan ng mga Pariseo noon si Jesus dahil mismo sa tiningnan lamang nila ang Kanyang panlabas na anyo, at hindi nila maingat na tinanggap ang mga salita mula sa Kanyang bibig?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply