Ang Katolisismo na pinaniniwalaan natin ay ipinasa mula sa mga apostol, at ito ang pinakakinikilala sa lahat ng mga relihiyon. Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay kabilang sa Kristiyanismo, at ang Kristiyanismo ay isang sanga ng Katolisismo. Kung naniniwala kami sa Makapangyarihang Diyos, hindi ba kami magpapalit sa Kristiyanismo? At sa paggawa nito, hindi ba namin tinatalikuran ang aming Diyos?

Enero 21, 2022

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“At mayroon Akong ibang mga tupa, na wala sa kawan na ito: sila rin ay kailangan Kong dalhin, at kanilang diringgin ang Aking tinig; at magkakaroon na lamang ng isang kawan, at ng isang pastol” (Juan 10:16).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

May ilang pangunahing relihiyon sa mundo, at bawat isa ay may sariling pinuno, o lider, at ang mga tagasunod ay nagkalat sa iba’t ibang bansa at rehiyon sa buong mundo; halos bawat bansa, malaki man o maliit, ay may iba’t ibang relihiyon sa loob nito. Gayumpaman, gaano man karami ang mga relihiyon sa buong mundo, lahat ng tao sa loob ng sansinukob ay umiiral sa huli sa ilalim ng gabay ng iisang Diyos, hindi sa ilalim ng gabay ng mga pinuno o lider ng mga relihiyon. Ibig sabihin, ang sangkatauhan ay hindi ginagabayan ng isang partikular na pinuno o lider ng relihiyon; sa halip, ang buong sangkatauhan ay pinamumunuan ng Lumikha, na lumikha ng langit at lupa at lahat ng bagay, at lumikha rin sa sangkatauhan—ito ay isang katunayan. Bagama’t ang mundo ay may ilang pangunahing relihiyon, gaano man kalaki ang mga ito, lahat ng ito ay umiiral sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, at walang isa man sa mga ito ang makalalampas sa saklaw ng kapamahalaang ito. Ang pag-unlad ng sangkatauhan, pagpapalit ng lipunan, pag-abante ng mga agham pangkalikasan—bawat isa ay hindi maihihiwalay mula sa mga pagsasaayos ng Lumikha, at ang gawaing ito ay hindi isang bagay na magagawa ng sinumang pinuno ng relihiyon. Ang isang pinuno ng relihiyon ay pinuno lamang ng isang partikular na relihiyon, at hindi maaaring kumatawan sa Diyos, ni hindi niya maaaring katawanin ang Siyang lumikha ng langit at lupa at lahat ng bagay. Ang isang pinuno ng relihiyon ay maaaring mamuno sa lahat ng nasa loob ng buong relihiyon, ngunit hindi niya mauutusan ang lahat ng nilikha sa silong ng kalangitan—kinikilala ng lahat ang katunayang ito. Ang isang pinuno ng relihiyon ay isang lider lamang, at hindi maaaring maging kapantay ng Diyos (ang Lumikha). Lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Lumikha, at sa katapusan ay babalik ang lahat ng ito sa mga kamay ng Lumikha. Ang sangkatauhan ay ginawa ng Diyos, at ang bawat relihiyon ay mapapasailalim sa kapamahalaan ng Diyos—hindi ito maiiwasan. Ang Diyos lamang ang Kataas-taasan sa lahat ng bagay, at ang pinakamataas na pinuno sa lahat ng nilikha ay kailangan ding magpasailalim sa Kanyang kapamahalaan. Gaano man kataas ang katayuan ng isang tao, hindi niya madadala ang sangkatauhan sa isang angkop na hantungan, at walang sinumang may kayang magbukod-bukod sa lahat ng bagay ayon sa uri ng mga ito. Si Jehova Mismo ang lumikha sa sangkatauhan at nagbukod-bukod sa bawat tao ayon sa uri nila, at pagdating ng mga huling araw ay gagawin pa rin Niya Mismo ang Kanyang sariling gawain, ibinubukod-bukod ang lahat ng bagay ayon sa uri ng mga ito—walang tao ang maaaring pumalit sa lugar ng Diyos sa gawaing ito. Ang tatlong yugto ng gawaing isinasagawa mula sa simula hanggang ngayon ay pawang isinasagawa ng Diyos Mismo, at isinasagawa ng iisang Diyos. Ang katunayan ng tatlong yugto ng gawain ay ang katunayan ng pamumuno ng Diyos sa buong sangkatauhan, isang katunayang hindi maikakaila ng sinuman. Sa katapusan ng tatlong yugto ng gawain, lahat ng bagay ay ibubukod-bukod ayon sa uri ng mga ito at babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, sapagkat sa taas ng sansinukob at sa kabuuan nito ay may iisang Diyos lang na umiiral, at wala nang iba pang mga relihiyon. Siya na walang kakayahang lumikha ng mundo ay walang kakayahang wakasan ito, samantalang Siya na lumikha ng mundo ay siguradong kayang wakasan ito. Samakatwid, kung ang isa ay walang kakayahang wakasan ang kapanahunan at nagagawa lamang na tulungan ang tao na linangin ang kanyang sarili at pinuhin ang kanyang karakter, siguradong hindi siya ang Diyos, siguradong hindi siya ang Panginoon ng sangkatauhan, at wala siyang kakayahang gawin ang gayon kadakilang gawain. Iisa lamang ang kayang magsagawa ng gayong gawain, at lahat ng hindi makakagawa ng gawaing ito ay siguradong iba’t ibang masasamang espiritu at hindi ang Diyos, at lahat ng masamang espiritu ay mga kaaway ng Diyos. Hangga’t ang isang bagay ay gawain ng masasamang espiritu na nanlilihis sa mga tao, isa itong masamang relihiyon, at ang masasamang relihiyon ay hindi kaayon ng Diyos, at ang hindi kaayon ng Diyos ay kaaway ng Diyos. Lahat ng gawain ay ginagawa ng iisang tunay na Diyos na ito, at ang buong sansinukob ay pinamumunuan ng iisang Diyos na ito. Gawain man Niya ito sa Israel o sa Tsina, sa Espiritu man o sa katawang-tao isinasagawa ang gawain, lahat ay ginagawa ng Diyos Mismo, at hindi magagawa ng sinupamang iba. Ito ay dahil Siya mismo ang Diyos ng buong sangkatauhan kaya malaya Siyang gumagawa, hindi nalilimitahan ng anumang mga kondisyon. Ito ang pinakadakila sa lahat ng pangitain.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa pagkakilala sa Diyos

Mula sa gawain ni Jehova hanggang sa gawain ni Jesus, at mula sa gawain ni Jesus hanggang sa gawain sa kasalukuyang yugto, ang tatlong yugtong ito ay sumasaklaw sa kabuuang lawak ng pamamahala ng Diyos sa isang tuloy-tuloy na pagkakaugnay, at lahat ng ito ay gawain ng iisang Espiritu. Mula nang likhain ang mundo, palaging gumagawa ang Diyos sa pamamahala sa sangkatauhan. Siya ang Simula at ang Wakas, Siya ang Una at ang Huli, at Siya ang Siyang nagpapasimula ng kapanahunan at Siyang naghahatid sa kapanahunan sa katapusan nito. Ang tatlong yugto ng gawain, sa magkakaibang kapanahunan at lugar, ay tiyak na gawain ng iisang Espiritu. Ang lahat ng naghihiwalay sa tatlong yugtong ito ay lumalaban sa Diyos. Ngayon, dapat mong maunawaan na ang lahat ng gawain mula sa unang yugto hanggang sa ngayon ay ang gawain ng iisang Diyos, ang gawain ng iisang Espiritu. Ito ay hindi mapag-aalinlanganan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)

Pagkatapos ng gawain ni Jehova, naging tao si Jesus upang gawin ang Kanyang gawain sa gitna ng sangkatauhan. Ang Kanyang gawain ay hindi isinagawa nang nakahiwalay, kundi nakabatay sa gawain ni Jehova. Iyon ay gawain para sa isang bagong kapanahunan na ginawa ng Diyos nang matapos Niya ang Kapanahunan ng Kautusan. Gayundin, nang matapos ang gawain ni Jesus, nagpatuloy ang Diyos sa Kanyang gawain para sa susunod na kapanahunan, dahil ang buong pamamahala ng Diyos ay palaging sumusulong. Paglipas ng lumang kapanahunan, papalitan ito ng isang bagong kapanahunan, at kapag natapos na ang lumang gawain, magkakaroon ng bagong gawain para ipagpatuloy ang pamamahala ng Diyos. Ang pagkakatawang-taong ito ay ang ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, na sumusunod sa gawain ni Jesus. Siyempre pa, ang pagkakatawang-taong ito ay hindi nangyayari nang nakahiwalay; ito ang pangatlong yugto ng gawain pagkatapos ng Kapanahunan ng Kautusan at ng Kapanahunan ng Biyaya. Tuwing nagpapasimula ang Diyos ng isang bagong yugto ng gawain, kailangan ay palaging may isang bagong simula at kailangan na palagi itong maghatid ng isang bagong kapanahunan. Mayroon ding mga kaukulang pagbabago sa disposisyon ng Diyos, sa paraan ng Kanyang paggawa, sa lokasyon ng Kanyang gawain, at sa Kanyang pangalan. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na mahirap para sa tao na tanggapin ang gawain ng Diyos sa bagong kapanahunan. Ngunit paano man Siya nilalabanan ng tao, laging ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, at laging inaakay ang buong sangkatauhan pasulong. Nang pumarito si Jesus sa mundo ng tao, pinasimulan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa mga huling araw, minsan pang naging tao ang Diyos, at sa pagkakatawang-taong ito ay winakasan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at pinasimulan ang Kapanahunan ng Kaharian. Lahat ng nagagawang tumanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay aakayin tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at bukod pa riyan ay magagawang personal na tumanggap ng gabay ng Diyos. Bagama’t dumating si Jesus sa gitna ng mga tao at gumawa ng maraming gawain, kinumpleto lamang Niya ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan at nagsilbi bilang handog para sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis sa tao ang lahat ng tiwaling disposisyon nito. Ang ganap na pagliligtas sa tao mula sa impluwensiya ni Satanas ay hindi lamang nangailangan na si Jesus ay maging handog para sa kasalanan at magpasan ng mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din nito na gumawa ang Diyos ng mas dakila pang gawain upang ganap na iwaksi sa tao ang mga disposisyon nito na ginawang tiwali ni Satanas. Kaya, pagkatapos mapatawad ang tao sa mga kasalanan nito, nagbalik ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan Niya ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay nagdala sa sangkatauhan sa isang mas mataas na antas. Lahat ng nagpapasakop sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mamumuhay sa liwanag, at makakamit nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Naisulong na ng gawain ngayon ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; ibig sabihin, nakasulong na ang gawain sa ilalim ng buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Bagama’t natapos na ang Kapanahunan ng Biyaya, sumulong at lumalim ang gawain ng Diyos. Bakit Ko ba sinasabi nang paulit-ulit na ang yugtong ito ng gawain ay batay sa Kapanahunan ng Biyaya at sa Kapanahunan ng Kautusan? Sa ibang pananalita, ang gawain ng panahong ito ay pagpapatuloy ng gawaing ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya, at isang pag-unlad doon sa ginawa sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang tatlong yugto ay mahigpit na magkakaugnay, na bawat kawing sa kadena ay nakarugtong na mabuti sa kasunod. Bakit Ko ba sinasabi rin na ang yugtong ito ng gawain ay batay sa ginawa ni Jesus? Ipagpalagay nang ang yugtong ito ay hindi batay sa gawaing ginawa ni Jesus, kakailanganing maganap ang isa pang pagpapapako sa krus sa yugtong ito, at ang gawain ng pagtubos ng naunang yugto ay kakailanganing uliting muli. Magiging walang saysay ito. Kaya nga hindi sa ganap nang natapos ang gawain, kundi nakasulong na ang kapanahunan at ang gawain ay naiangat na nang mas mataas kaysa dati. Masasabi na ang yugtong ito ng gawain ay nakabatay sa pundasyon ng Kapanahunan ng Kautusan at nakasalig sa bato ng gawain ni Jesus. Ang gawain ng Diyos ay itinatatag nang yugto-yugto, at ang yugtong ito ay hindi isang bagong simula. Ang pinagsamang tatlong yugto ng gawain lamang ang maaaring ituring na anim na libong taong plano ng pamamahala. Ang gawain ng yugtong ito ay ginagawa sa pundasyon ng gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Kung hindi magkaugnay ang dalawang yugtong ito ng gawain, bakit hindi inulit ang pagkakapako sa krus sa yugtong ito? Bakit hindi Ko pasan ang mga kasalanan ng tao, kundi sa halip ay pumarito Ako upang hatulan at kastiguhin nang tuwiran ang tao? Kung ang Aking gawaing hatulan at kastiguhin ang tao ay hindi sumunod sa pagkakapako sa krus—kasama na ng katunayan na ang Aking pagparito ngayon ay hindi ipinaglihi ng Banal na Espiritu—hindi sana Ako naging kalipikado na hatulan at kastiguhin ang tao. Dahil ito mismo sa kaisa Ako ni Jesus kaya Ako pumarito upang tuwirang kastiguhin at hatulan ang tao. Ang gawain sa yugtong ito ay lubos na batay sa gawain sa naunang yugto. Iyan ang dahilan kaya ganitong klaseng gawain lamang ang maaaring maghatid sa tao, sa paisa-isang hakbang, tungo sa kaligtasan. Kami ni Jesus ay nagmumula sa iisang Espiritu. Bagama’t wala Kaming kaugnayan sa Aming katawang-tao, iisa ang Aming Espiritu; bagama’t ang nilalaman ng Aming ginagawa at ang gawaing Aming inaako ay hindi magkapareho, ang Aming diwa ay iisa; ang Aming katawang-tao ay magkaiba ang anyo, ngunit dahil ito sa pagbabago sa kapanahunan at sa magkakaibang mga kinakailangan ng Aming gawain; hindi magkapareho ang Aming ministeryo, kaya magkaiba rin ang gawaing hatid Namin at ang disposisyong ibinubunyag Namin sa tao. Kaya nga ang nakikita at nauunawaan ng tao sa araw na ito ay hindi katulad noong araw, na dahil sa pagbabago sa kapanahunan. Kahit na magkaiba Sila sa kasarian at sa anyo ng Kanilang katawang-tao, at hindi Sila isinilang sa iisang pamilya, at lalo nang hindi sa iisang panahon, magkagayunman ay iisa ang Kanilang Espiritu.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kinokompleto ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao

Yamang nananampalataya ang tao sa Diyos, dapat niyang mahigpit na sundan ang bawat yapak ng Diyos; dapat siyang “sumunod sa Kordero saan man pumaroon ang Kordero.” Tanging ang mga tao na gumagawa nito ang talagang naghahanap sa tunay na daan, ang mga nakakakilala sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong matigas na kumakapit sa mga salita at mga doktrina ay iyong mga itiniwalag na ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa bawat panahon, ang Diyos ay magsisimula ng bagong gawain, at sa bawat panahon, magkakaroon ng bagong simula sa gitna ng tao. Kung ang tao ay sumusunod lamang sa mga katotohanan na “si Jehova ang Diyos” at “si Jesus ang Cristo,” na mga katotohanan na bawat isa ay aplikable lamang sa iisang kapanahunan, sa gayon ang tao ay hindi kailanman makakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at magpakailanmang walang kakayahang magkamit ng gawain ng Banal na Espiritu. Hindi alintana kung paano gumagawa ang Diyos, kung ang tao ay sumusunod nang wala ni katiting na pag-aalinlangan, at sumusunod nang mahigpit, kung gayon, paano maititiwalag ng Banal na Espiritu ang tao? Hindi alintana kung ano ang ginagawa ng Diyos, hangga’t ang tao ay nakatitiyak na ito ang gawain ng Banal na Espiritu at nakikipagtulungan sa gawain ng Banal na Espiritu nang walang anumang pag-aalinlangan, at sinusubukang tugunan ang mga hinihingi ng Diyos, kung gayon, paano siya maparurusahan? Hindi humihinto kailanman ang gawain ng Diyos, hindi kailanman tumitigil ang Kanyang mga yapak, at bago pa man matapos ang Kanyang gawain ng pamamahala, Siya ay palaging abala, at hindi kailanman tumitigil. Ngunit iba ang tao: Pagkatapos magkamit lamang ng kaunting gawain ng Banal na Espiritu, itinuturing niya ito na parang hindi kailanman magbabago; pagkatapos magkamit lamang ng kaunting pagkakilala, hindi na siya nagpapatuloy sa “pagsubaybay” sa mas bagong gawain ng Diyos; pagkatapos makakita lamang ng maliit na bahagi ng gawain ng Diyos, agad niyang nililimitahan ang Diyos sa pagiging isang partikular na rebultong kahoy, at naniniwala siya na palaging pananatilihin ng Diyos ang imaheng ito na nakikita niya, na ganito rin sa nakalipas at laging magiging ganoon sa hinaharap; pagkatapos magkamit lamang ng kaunting mababaw na pagkakilala, napakayabang ng tao kaya’t nakakalimutan niya ang kanyang sarili at nagsisimulang walang pakundangang iproklama ang isang disposisyon at ang pagiging Diyos ng Diyos na hindi talaga umiiral; at pagkatapos makatiyak tungkol sa isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, kahit anong uri ng tao ang nagpoproklama ng bagong gawain ng Diyos, hindi ito tinatanggap ng tao. Ang mga taong gaya nito ay hindi kayang tumanggap sa bagong gawain ng Banal na Espiritu; masyado silang makaluma, at hindi kayang tumanggap ng mga bagong bagay. Ang gayong mga tao ay nananampalataya sa Diyos ngunit tinatanggihan din ang Diyos. Naniniwala ang tao na mali ang mga Israelita na “manampalataya lamang kay Jehova at hindi kay Jesus,” ngunit karamihan ng mga tao ay gumaganap ng papel kung saan sila ay “nananampalataya lamang kay Jehova at tinatanggihan si Jesus” at “nananabik para sa pagbabalik ng Mesiyas, ngunit lumalaban sa Mesiyas na tinatawag na Jesus.” Hindi na nakapagtataka, kung gayon, na ang mga tao ay namumuhay pa rin sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas matapos tanggapin ang isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi pa rin tumatanggap ng mga pagpapala ng Diyos. Hindi ba’t ito ang bunga ng pagiging mapaghimagsik ng tao? Ang mga tao sa Kristiyanismo sa buong mundo na hindi nakakasabay sa bagong gawain ng kasalukuyan ay nangungunyapit lahat sa pag-asa na magiging mapalad sila, ipinagpapalagay na tutuparin ng Diyos ang kani-kanilang mga kahilingan. Subalit hindi nila masasabi nang may lubos na katiyakan kung bakit dadalhin sila paitaas ng Diyos sa ikatlong langit, o kung paano sila kukunin ni Jesus nang nakasakay sa puting ulap, lalong hindi sila lubos na nakatitiyak kung si Jesus ay totoong darating sakay ng puting ulap sa araw na kanilang inilalarawan sa isip. Lahat sila ay nababahala, at hindi alam ang gagawin; hindi rin nila alam sa sarili nila mismo kung bawat isa sa kanila ay dadalhin paitaas ng Diyos, ang iba’t ibang maliliit na bilang ng tao mula sa iba’t ibang denominasyon. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ngayon, ang kasalukuyang kapanahunan, ang mga layunin ng Diyos—wala silang pagkaarok sa anuman sa mga bagay na ito, at wala silang ginagawa kundi ang magbilang ng mga araw sa kanilang mga daliri. Tanging ang mga sumusunod lamang sa mga yapak ng Kordero hanggang sa pinakahuli ang magkakamit ng pangwakas na pagpapala, samantalang ang “matatalinong tao,” na hindi nakakasunod hanggang sa katapus-katapusan ngunit naniniwala na nakamtan na nila ang lahat, ay walang kakayahang masaksihan ang pagpapakita ng Diyos. Bawat isa sa kanila ay naniniwala na siya ang pinakamatalinong tao sa lupa, at pinuputol nila, nang walang anumang dahilan, ang patuloy na pag-unlad ng gawain ng Diyos, at sila ay tila naniniwala nang may lubos na katiyakan na dadalhin sila paitaas ng Diyos sa langit, silang “mayroong buong katapatan sa Diyos, sumusunod sa Diyos, at tumatalima sa mga salita ng Diyos.” Kahit na sila ay mayroong “buong katapatan” sa mga salitang sinabi ng Diyos, ang kanilang mga salita at kilos ay nakasusuklam pa rin dahil kanilang nilalabanan ang gawain ng Banal na Espiritu, at gumagawa ng panlilinlang at kasamaan. Iyong mga hindi kayang sumunod hanggang sa pinakahuli, at hindi makasasabay sa gawain ng Banal na Espiritu at kumakapit lamang sa lumang gawain, ay hindi lamang nabigo sa pagkamit ng katapatan sa Diyos, ngunit sa kabaligtaran, naging iyong mga sumasalungat sa Diyos, iyong mga tinatanggihan ng bagong kapanahunan, at iyong mga mapaparusahan. Mayroon pa bang mas nakakaawa kaysa kanila? Marami pa nga ang naniniwala na ang lahat ng tumatanggi sa lumang kautusan at tumatanggap sa bagong gawain ay walang konsensiya. Ang mga taong ito, na ang pinagtutuunan lang ay “konsensiya,” pero hindi kilala ang gawain ng Banal na Espiritu, sa kahuli-hulihan ay masisira ang kanilang kinabukasan ng kanila mismong mga konsensiya. Maging ang Diyos ay hindi sumusunod sa mga regulasyon sa Kanyang gawain, at bagama’t ito nga ay Kanyang sariling gawain, hindi pa rin kumakapit ang Diyos dito. Iyong dapat tanggihan ay tinatanggihan, kung ano iyong dapat itiwalag ay itinitiwalag. Ngunit pinanghahawakan pa rin ng tao ang iisang maliit na bahagi ng gawain ng pamamahala ng Diyos upang salungatin Siya. Hindi ba’t baligho ang tao? Hindi ba’t ito ang kamangmangan ng tao? Mas mahina ang loob at sobrang maingat ang mga tao dahil sila ay takot na hindi magkamit ng mga pagpapala, mas wala silang kakayahang magkamit ng mas maraming pagpapala, at hindi nila kayang tumanggap ng pangwakas na pagpapala. Iyong mga taong matigas na kumakapit sa kautusan ay pawang nagpapakita ng buong katapatan sa kautusan, at kapag mas ipinakikita nila ang kanilang gayong katapatan sa kautusan, mas mapaghimagsik sila na lumalaban sa Diyos. Dahil ngayon ay ang Kapanahunan ng Kaharian at hindi ang Kapanahunan ng Kautusan, at ang gawain sa ngayon at ang gawain ng nakalipas ay hindi maipagkukumpara, ni maikukumpara ang gawain ng nakaraan sa gawain sa ngayon. Ang gawain ng Diyos ay nagbago na, at ang pagsasagawa ng tao ay nagbago na rin; ito ay hindi ang kumapit sa kautusan o magpasan ng krus. Samakatwid, ang katapatan ng mga tao sa kautusan at sa krus ay hindi magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Kapag malapit nang magwakas ang buong pamamahala ng Diyos, ibubukod-bukod ng Diyos ang lahat ng bagay ayon sa uri ng mga ito. Ang tao ay ginawa ng mga kamay ng Lumikha, at sa huli ay kailangan Niyang ganap na ibalik ang tao sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan; ito ang katapusan ng tatlong yugto ng gawain. Ang yugto ng gawain sa mga huling araw, at ang naunang dalawang yugto sa Israel at Judea, ay plano ng pamamahala ng Diyos sa buong sansinukob. Walang sinumang makapagkakaila nito, at ito ang katunayan ng gawain ng Diyos. Bagama’t hindi pa naranasan o nasaksihan ng mga tao ang marami sa gawaing ito, ang mga katunayan ay mga katunayan pa rin, at hindi ito maikakaila ng sinumang tao. Tatanggapin ng lahat ng taong nananampalataya sa Diyos sa bawat lugar sa loob ng sansinukob ang tatlong yugto ng gawain. Kung isang partikular na yugto lamang ng gawain ang alam mo, at hindi mo nauunawaan ang dalawa pang yugto ng gawain, hindi mo nauunawaan ang gawain ng Diyos noong nakalipas na mga panahon, hindi mo masasabi ang buong katotohanan ng buong plano ng pamamahala ng Diyos, at isang panig lamang ang iyong pagkakilala sa Diyos, sapagkat sa iyong pananampalataya sa Diyos, hindi mo Siya kilala o nauunawaan, at kaya hindi ka kalipikado na maging tagapagpatotoo ng Diyos. Malalim man o mababaw ang iyong kasalukuyang kaalaman tungkol sa mga bagay na ito, sa huli, kailangan ninyong lahat na magkaroon ng kaalaman, at kailangang lubos kayong makumbinsi, at ang lahat ng tao ay makakikita sa kabuuan ng gawain ng Diyos at magpapasakop sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos. Sa pagtatapos ng gawaing ito, lahat ng relihiyon ay magiging isa, lahat ng nilikha ay babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, lahat ng nilikha ay sasamba sa nag-iisang tunay na Diyos, at lahat ng masamang relihiyon ay mauuwi sa wala, hindi na muling lilitaw kailanman.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa pagkakilala sa Diyos

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply