Ngayon ang mga sakuna ay mas higit na tumitindi. Dumating na ang mga araw ng Panginoon. Lahat tayo na naniniwala sa Panginoon ay labis na naghihintay sa Kanyang pagbabalik at dalhin tayo sa kaharian ng langit. Kaya paano natin maihahanda ang ating sarili sa pagsalubong sa Panginoon?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Datapuwa’t pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalake! Magsilabas kayo upang salubungin siya” (Mateo 25:6).
“Narito ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo ko” (Pahayag 3:20).
“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia” (Pahayag 2:29).
“Ang mga ito’y ang hindi nangahawa sa mga babae; sapagka’t sila’y mga malilinis. At ang mga ito’y ang nagsisisunod sa Cordero saan man siya pumaroon. Ang mga ito’y ang binili sa gitna ng mga tao, na maging mga pangunahing bunga sa Dios at sa Cordero” (Pahayag 14:4).
“Mapapalad ang mga mapagpakumbabang-loob: sapagka’t kanila ang kaharian ng langit” (Mateo 5:3).
“Mapapalad ang nangagugutom at nangauuhaw sa katuwiran: sapagka’t sila’y bubusugin” (Mateo 5:6).
“Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan” (Mateo 7:7).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Yamang hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang kalooban ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagpapahayag ng Diyos—sapagka’t kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos. Kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga yapak ng Diyos, nabalewala na ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” At kaya, maraming tao, kahit pa tumatanggap sila ng katotohanan, ang hindi naniniwala na nakita na nila ang mga yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga kuru-kuro ng tao, at lalong hindi maaaring magpakita ang Diyos ayon sa utos ng tao. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpapasya at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin, at sarili Niyang mga pamamaraan. Anupaman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalo na ang ipaalam sa bawat tao ang tungkol sa Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, na dapat, higit pa rito, kilalanin ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasailalim sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat na gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at sumunod.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan
Yamang naniniwala ang tao sa Diyos, dapat niyang sundang mabuti ang mga yapak ng Diyos, isa-isang hakbang; dapat siyang “sumunod sa Cordero saan man Siya pumaroon.” Ang mga ito lamang ang mga taong naghahanap ng tunay na daan, sila lamang yaong mga nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong labis na sumusunod sa mga titik at mga doktrina ay yaong mga naalis na ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa bawat sakop ng panahon, ang Diyos ay magsisimula ng bagong gawain, at sa bawat panahon, magkakaroon ng bagong simula sa gitna ng tao. Kung ang tao ay sumusunod lamang sa mga katotohanan na “si Jehova ang Diyos” at “si Jesus ang Cristo,” na mga katotohanan na nailalapat lamang sa mga naaayong kapanahunan, sa gayon ang tao ay hindi kailanman makakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at magpakailanmang walang kakayahang magkamit ng gawain ng Banal na Espiritu. Hindi alintana kung paano gumagawa ang Diyos, ang tao ay sumusunod nang wala ni katiting na pag-aalinlangan, at siya ay sumusunod nang mabuti. Sa paraang ito, paano maaalis ng Banal na Espiritu ang tao? Hindi alintana kung ano ang ginagawa ng Diyos, hangga’t ang tao ay nakatitiyak na ito ay gawain ng Banal na Espiritu at nakikipagtulungan sa gawain ng Banal na Espiritu nang walang pag-aalinlangan, at sinusubukang tugunan ang mga kinakailangan ng Diyos, kung gayon, paano siya maparurusahan? Hindi nahinto kailanman ang gawain ng Diyos, hindi kailanman natigil ang Kanyang mga yapak, at bago pa man matapos ang Kanyang gawain ng pamamahala, Siya ay palaging abala, at hindi kailanman tumitigil.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Lahat ng kayang sumunod sa kasalukuyang mga pagpapahayag ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Hindi mahalaga kung paano man sila dati, o kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu sa kalooban nila dati—yaong mga nagkamit na ng pinakabagong gawain ng Diyos ang mga pinakapinagpala, at yaong hindi nakasusunod sa pinakabagong gawain sa kasalukuyan ay inaalis. Nais ng Diyos yaong kayang tanggapin ang bagong liwanag, at nais Niya yaong tumatanggap at nakakaalam sa Kanyang pinakabagong gawain. Bakit sinasabi na dapat kang maging isang malinis na birhen? Nagagawa ng isang malinis na birhen na hangarin ang gawain ng Banal na Espiritu at maunawaan ang mga bagong bagay, at higit pa rito, nagagawang isantabi ang mga dating kuru-kuro, at sumunod sa gawain ng Diyos sa kasalukuyan. Ang grupong ito ng mga tao, na tumatanggap sa pinakabagong gawain sa kasalukuyan, ay mga itinadhana ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan, at ang mga pinakapinagpala sa lahat ng tao. Naririnig ninyo nang tuwiran ang tinig ng Diyos, at nakikita ang pagpapakita ng Diyos, at kaya, sa kabuuan ng langit at lupa, at sa kabuuan ng mga kapanahunan, walang sinuman ang naging mas pinagpala kaysa sa inyo, ang grupong ito ng mga tao.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak
Nais ba ninyong malaman ang pinag-ugatan ng pagkontra ng mga Fariseo kay Jesus? Nais ba ninyong malaman ang diwa ng mga Fariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila hinahangad ang katotohanan ng buhay. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa landas ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang landas ng katotohanan. Paano ninyo nasasabi na matatamo ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Paano nila mamamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang landas ng katotohanang binanggit ni Jesus, at, bukod pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At dahil hindi pa nila nakita ang Mesiyas kailanman at hindi pa nila nakasama ang Mesiyas kailanman, nagawa nila ang pagkakamali na kumapit lamang sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa lahat ng posibleng paraan. Ang diwa ng mga Fariseong ito ay mga sutil, mayabang, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng kanilang paniniwala sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral Mo, gaano man kataas ang Iyong awtoridad, hindi Ikaw si Cristo maliban kung Ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang paniniwalang ito? Tinatanong Ko pa kayo: Hindi ba napakadali para sa inyo ang gawin ang mga pagkakamali ng mga sinaunang Fariseo, yamang wala kayo ni katiting na pagkaunawa kay Jesus? Kaya mo bang mahiwatigan ang daan ng katotohanan? Talaga bang magagarantiyahan mo na hindi mo kinalaban si Cristo? Nagagawa mo bang sundan ang gawain ng Banal na Espiritu? Kung hindi mo alam kung kinalaban mo si Cristo, sinasabi Ko na nabubuhay ka na sa bingit ng kamatayan. Yaong mga hindi nakakilala sa Mesiyas ay may kakayahang lahat na kalabanin si Jesus, na tanggihan si Jesus, na siraan Siya. Lahat ng taong hindi nakakaunawa kay Jesus ay kaya Siyang itatwa at laitin. Bukod pa riyan, kaya nilang ituring na panlilinlang ni Satanas ang pagbalik ni Jesus, at mas maraming tao ang huhusga kay Jesus na nagbalik sa katawang-tao. Hindi ba kayo natatakot sa lahat ng ito? Ang kinakaharap ninyo ay magiging kalapastanganan sa Banal na Espiritu, pagwasak ng mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia, at pagtanggi sa lahat ng ipinapahayag ni Jesus. Ano ang mapapala ninyo kay Jesus kung litung-lito kayo? Paano ninyo mauunawaan ang gawain ni Jesus kapag bumalik Siya sa katawang-tao sakay ng puting ulap, kung nagmamatigas kayong huwag kilalanin ang inyong mga pagkakamali? Sinasabi Ko ito sa inyo: Ang mga taong hindi tumatanggap ng katotohanan, subalit pikit-matang naghihintay sa pagdating ni Jesus sakay ng puting mga ulap, ay tiyak na lalapastangan sa Banal na Espiritu, at sila ang kategoryang pupuksain. Hinahangad lamang ninyo ang biyaya ni Jesus, at nais lamang ninyong tamasahin ang napakaligayang dako ng langit, subalit hindi pa naman ninyo nasunod kailanman ang mga salitang sinambit ni Jesus, at hindi pa ninyo natanggap kailanman ang katotohanang ipinahayag ni Jesus nang bumalik Siya sa katawang-tao. Ano ang panghahawakan ninyo bilang kapalit ng katunayan ng pagbalik ni Jesus sakay ng puting ulap? Ang kataimtiman ba ninyo sa paulit-ulit na paggawa ng mga kasalanan, at pagkatapos ay pangungumpisal ng mga iyon, nang paulit-ulit? Ano ang iaalay ninyong sakripisyo kay Jesus na nagbabalik sakay ng puting ulap? Ang mga taon ba ng paggawa kung saan dinadakila ninyo ang inyong sarili? Ano ang panghahawakan ninyo para pagkatiwalaan kayo ng nagbalik na si Jesus? Ang inyo bang likas na kayabangan, na hindi sumusunod sa anumang katotohanan?
Ang inyong katapatan ay sa salita lamang, ang inyong kaalaman ay intelektuwal at haka-haka lamang, ang inyong mga pagpapagal ay alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala ng langit, kaya nga paano kayo kailangang manampalataya? Kahit ngayon, nagbibingi-bingihan pa rin kayo sa bawat isang salita ng katotohanan. Hindi ninyo alam kung ano ang Diyos, hindi ninyo alam kung ano si Cristo, hindi ninyo alam kung paano magpitagan kay Jehova, hindi ninyo alam kung paano pumasok sa gawain ng Banal na Espiritu, at hindi ninyo alam kung paano makatukoy sa pagitan ng gawain ng Diyos Mismo at ng mga panlilinlang ng tao. Ang alam mo lamang ay husgahan ang anumang salita ng katotohanang ipinahayag ng Diyos na hindi naaayon sa iyong sariling mga kaisipan. Nasaan ang iyong kapakumbabaan? Nasaan ang iyong pagsunod? Nasaan ang iyong katapatan? Nasaan ang iyong hangaring hanapin ang katotohanan? Nasaan ang iyong pagpipitagan sa Diyos? Sinasabi Ko sa inyo, yaong mga naniniwala sa Diyos dahil sa mga tanda ay tiyak na nasa kategorya ng mga pupuksain. Yaong mga walang kakayahang tanggapin ang mga salita ni Jesus na nagbalik sa katawang-tao ay tiyak na mga anak ng impiyerno, mga inapo ng arkanghel, ang kategoryang isasailalim sa walang-hanggang pagkalipol. Maraming taong walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat tinatawag na banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ng sarili ninyong mga mata si Jesus na bumababa mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding katuwaan sa iyo, subalit dapat mong malaman na ang sandali na nasasaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit ay ang sandali rin ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan. Iyon ang magiging panahon ng pagwawakas ng plano ng pamamahala ng Diyos at gagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at parurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Yaong mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nakabalik na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na “Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na Cristo” ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagpapalabas ng tunay na daan at buhay. Kaya nga maaari lamang silang harapin ni Jesus kapag hayagan Siyang nagbabalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mayabang. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang gayong kababang-uri? Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan ito ay isang tanda ng paghatol. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mayabang, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng paniniwala sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang patapos; bukod pa riyan, huwag kayong maging kaswal at walang-ingat sa inyong paniniwala sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat maging mapagpakumbaba at mapitagan. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit walang-ingat na nagsasalita nang patapos o hinuhusgahan ito ay puno ng kayabangan. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang may karapatang sumpain o husgahan ang iba. Lahat kayo ay dapat magkaroon ng katinuan at maging mga taong tumatanggap sa katotohanan. Marahil, matapos marinig ang daan ng katotohanan at marinig ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong mga paniniwala at sa Biblia, at sa gayon ay dapat kang patuloy na maghanap sa ika-10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan pa rin kita na maging mapagpakumbaba, huwag kang masyadong tiwala sa sarili, at huwag kang masyadong magmalaki. Sa kaunting pagpipitagang taglay mo sa puso mo para sa Diyos, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagbubulayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung katotohanan ang mga iyon o hindi, at kung ang mga iyon ay buhay o hindi. Marahil, dahil iilang pangungusap lamang ang nabasa, pikit-matang huhusgahan ng ilang tao ang mga salitang ito, na sinasabing, “Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,” o, “Huwad na Cristo ito na naparito upang linlangin ang mga tao.” Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nabubulagan ng kamangmangan! Kakaunti ang nauunawaan mo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan kita na magsimulang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang husgahan ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil sa paglitaw ng mga huwad na Cristo sa mga huling araw, at huwag kayong maging isang taong lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil natatakot kayong malinlang. Hindi ba kaawa-awa naman iyon? Kung, matapos ang maraming pagsusuri, naniniwala ka pa rin na ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan, hindi ang daan, at hindi pagpapahayag ng Diyos, sa huli ay parurusahan ka, at mawawalan ka ng mga pagpapala. Kung hindi mo matatanggap ang katotohanang iyon na sinambit nang napakaliwanag at napakalinaw, hindi ba hindi ka akma sa pagliligtas ng Diyos? Hindi ba isa kang taong hindi sapat na pinagpalang makabalik sa harap ng luklukan ng Diyos? Pag-isipan mo ito! Huwag kang padalus-dalos at mapusok, at huwag mong ituring na laro ang paniniwala sa Diyos. Mag-isip ka alang-alang sa iyong patutunguhan, alang-alang sa iyong mga inaasam, alang-alang sa iyong buhay, at huwag kang maglaro sa sarili mo. Matatanggap mo ba ang mga salitang ito?
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.