Paano inakay at tinustusan ng Diyos ang sangkatauhan hanggang ngayon
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang daan ng buhay ay hindi isang bagay na maaaring taglayin ng kahit na sinuman, ni hindi rin ito isang bagay na madaling matamo ng sinuman. Ito ay sapagkat maaari lamang magmula sa Diyos ang buhay, na ibig sabihin, tanging ang Diyos Mismo lamang ang may taglay sa diwa ng buhay, at tanging ang Diyos Mismo lamang ang may daan ng buhay. At sa gayon, tanging ang Diyos lamang ang pinagmumulan ng buhay, at ang walang hanggang umaagos na bukal ng buhay na tubig ng buhay. Magmula noong nilikha Niya ang mundo, marami nang nagawang gawain ang Diyos na may kinalaman sa sigla ng buhay, marami nang nagawang gawain na nagbibigay-buhay sa tao, at nagbayad ng napakalaking halaga upang magkamit ng buhay ang tao. Ito ay sapagkat ang Diyos Mismo ang buhay na walang hanggan, at ang Diyos Mismo ang daan kung saan muling binuhay ang tao. Hindi kailanman nawawala ang Diyos sa puso ng tao, at naninirahan Siyang kasama ng tao sa lahat ng oras. Siya ang puwersang nag-uudyok sa pamumuhay ng tao, ang ugat ng pag-iral ng tao, at isang mayamang lagak para sa pag-iral ng tao pagkatapos ng kapanganakan. Siya ang sanhi upang muling isilang ang tao, at binibigyang-daan siyang isabuhay nang masigasig ang bawat papel niya. Salamat sa Kanyang kapangyarihan at sa Kanyang di-mapapawing puwersa ng buhay, nabuhay ang tao sa isang salinlahi hanggang sa susunod na salinlahi, kung saan sa kabuuan nito ang kapangyarihan ng buhay ng Diyos ang pangunang sandigan sa pag-iral ng tao, at binayaran ng Diyos ang isang halagang wala pang isang karaniwang tao ang nakapagbayad. Kayang manaig ang puwersa ng buhay ng Diyos sa anumang kapangyarihan; bukod dito, nahihigitan nito ang alinmang kapangyarihan. Walang hanggan ang Kanyang buhay, bukod-tangi ang Kanyang kapangyarihan, at hindi magagapi ng anumang nilikhang nilalang o puwersa ng kaaway ang Kanyang buhay na puwersa. Umiiral ang buhay na puwersa ng Diyos at pinagniningning ang makinang nitong liwanag nang hindi alintana ang oras o lugar. Maaaring sumasailalim sa malalaking pagbabago ang langit at lupa, ngunit ang buhay ng Diyos ay ganoon pa rin magpakailanman. Maaaring lumilipas ang lahat ng bagay, ngunit mananatili pa rin ang buhay ng Diyos, sapagkat ang Diyos ang pinagmulan ng pag-iral ng lahat ng mga bagay at ang ugat ng kanilang pag-iral. Nanggaling sa Diyos ang buhay ng tao, dahil sa Diyos ang pag-iral ng kalangitan, at nagmumula sa kapangyarihan ng buhay ng Diyos ang pag-iral ng mundo. Walang bagay na nagtaglay ng kasiglahan ang kayang malampasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at walang bagay na may lakas ang kayang takasan ang nasasakupan ng pamamahala ng Diyos. Sa ganitong paraan, hindi alintana kung sino sila, dapat magpasakop ang lahat sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, dapat mamuhay ang lahat sa ilalim ng utos ng Diyos, at walang sinuman ang makatatakas mula sa Kanyang mga kamay.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan
Simula noong likhain ng Diyos ang lahat ng bagay, ang mga ito ay kumikilos at nagpapatuloy na sumulong nang maayos alinsunod sa mga batas na itinakda ng Diyos. Sa ilalim ng Kanyang pagmamatyag, sa ilalim ng Kanyang pamamahala, nanatiling buhay ang sangkatauhan kasabay ng pag-unlad ng lahat ng bagay sa isang maayos na pamamaraan. Walang anumang bagay ang makababago o makasisira ng mga batas na ito. Ang pamamahala ng Diyos ang dahilan kung bakit maaaring magparami ang lahat ng nilalang, at dahil sa Kanyang pangangasiwa at pamamahala, ang lahat ng nilalang ay maaaring mabuhay. Ito ay upang sabihin na sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, ang lahat ng nilalang ay nagsisiiral, umuunlad, naglalaho, at muling isinisilang sa maayos na paraan. Kapag dumarating ang tagsibol, dinadala ng pag-ambon ng ulan ang pakiramdam ng sariwang panahon at binabasa ang lupa. Ang lupa ay nagsisimulang lumambot, at ang damo ay unti-unting tumutubo sa lupa at nagsisimulang umusbong, habang ang mga puno ay unti-unting nagiging luntian. Ang lahat ng nabubuhay na bagay na ito ay nagdadala ng sariwang sigla sa lupa. Ito ang nakikita kapag lahat ng nilalang ay nagsisiiral at nagsisiunlad. Ang lahat ng uri ng hayop ay lumalabas mula sa kanilang mga lungga upang damhin ang init ng tagsibol at simulan ang isang bagong taon. Ang lahat ng nilalang ay nagbibilad sa init sa panahon ng tag-araw at ikinagagalak ang init na dulot ng panahon. Mabilis silang lumalaki. Ang mga puno, damo, at lahat ng uri ng halaman ay napakabilis na lumalago, hanggang sa ang mga ito ay mamukadkad at mamunga. Ang lahat ng nilalang ay abala sa panahon ng tag-araw, pati na ang mga tao. Sa taglagas, dinadala ng mga ulan ang lamig ng taglagas, at lahat ng uri ng nabubuhay na nilalang ay unti-unting nakakaramdam sa pagdating ng panahon ng anihan. Ang lahat ng nilalang ay namumunga, at nagsisimulang umani ang mga tao ng iba’t ibang uri ng mga prutas upang magkaroon ng pagkain bilang paghahanda sa taglamig. Sa taglamig, ang lahat ng nilalang ay unti-unting nagsisimulang tumahimik dahil sa katiwasayan at kapahingahan habang paparating ang malamig na panahon, at ang mga tao ay nagpapahinga rin sa panahong ito. Sa mga pagbabago ng panahon, mula sa tagsibol papuntang tag-araw hanggang sa taglagas at hanggang sa taglamig—ang mga pagbabagong ito ay nagaganap lahat alinsunod sa mga batas na itinatag ng Diyos. Pinangungunahan Niya ang lahat ng bagay at ang sangkatauhan gamit ang mga batas na ito at nakapagtakda Siya para sa sangkatauhan ng isang masagana at makulay na paraan ng pamumuhay, naghahanda ng isang kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay na mayroong iba’t ibang temperatura at iba’t ibang panahon. Kaya, sa ilalim ng maayos na mga kapaligirang ito para sa patuloy na pamumuhay, ang mga tao ay maaaring mamuhay at makapagparami sa maayos na paraan. Hindi kayang baguhin ng mga tao ang mga batas na ito at walang sinuman at anuman ang makasisira sa mga ito. Bagama’t napakaraming pagbabagong nangyari—naging dagat ang mga parang, habang ang mga parang ay naging mga dagat—ang mga batas na ito ay patuloy sa pag-iral. Umiiral ang mga ito dahil ang Diyos ay umiiral, at dahil sa Kanyang pamumuno at pamamahala. Sa ganitong uri ng maayos, mas malawak na kapaligiran, ang buhay ng mga tao ay makapagpapatuloy sa loob ng mga batas at mga patakarang ito. Ang magkakasunod na mga salinlahi ng mga tao ay nalinang sa ilalim ng mga batas na ito, at ang magkakasunod na salinlahi ng mga tao ay nabuhay sa loob din ng mga batas na ito. Tinatamasa ng mga tao ang maayos na kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay na ito pati na ang lahat ng maraming bagay na nilikha ng Diyos sa magkakasunod na salinlahi. Kahit na nararamdaman ng mga tao na ang ganitong uri ng mga batas ay likas, at buong paghamak silang hindi pinahahalagahan, at kahit na hindi nila nararamdaman na ang Diyos ang nagsasaayos sa mga batas na ito, na pinamamahalaan ng Diyos ang mga batas na ito, kahit ano pa man, ang Diyos ay palaging sangkot sa hindi nagbabagong gawain na ito. Ang Kanyang layunin sa hindi nagbabagong gawain na ito ay ang panatilihing buhay ang sangkatauhan, upang makapagpatuloy ang sangkatauhan sa pamumuhay.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IX
Ang Diyos ang nag-uutos sa mga patakarang namamahala sa operasyon ng lahat ng bagay; Siya ang nag-uutos sa mga patakarang namamahala sa ikabubuhay ng lahat ng bagay; Siya ang nagkokontrol sa lahat ng bagay, at nagtatalaga sa mga ito na kapwa magpatibay at umasa sa isa’t isa, para hindi mapahamak o maglaho ang mga ito. Sa gayon lamang maaaring patuloy na mabuhay ang sangkatauhan; sa gayon lamang sila maaaring mabuhay sa ilalim ng patnubay ng Diyos sa gayong kapaligiran. Ang Diyos ang maestro ng mga patakarang ito ng operasyon, at walang sinuman ang maaaring makialam sa mga ito, ni hindi nila mababago ang mga ito. Tanging ang Diyos Mismo ang nakakaalam sa mga patakarang ito at Siya Mismo lamang ang nakapamamahala sa mga ito. Kung kailan uusbong ang mga puno, kung kailan uulan, gaano karaming tubig at gaano karaming sustansiya ang ibibigay ng lupa sa mga halaman; sa anong panahon malalaglag ang mga dahon; sa anong panahon mamumunga ang mga puno; gaano karaming sustansiya ang ibibigay ng sikat ng araw sa mga puno; ano ang ihihingang palabas ng mga puno matapos mapakain ng sikat ng araw—ang lahat ng bagay na ito ay patiunang itinalaga ng Diyos nang likhain Niya ang lahat ng bagay, bilang mga patakaran na walang makasisira. Ang mga bagay na nilikha ng Diyos, maging sila ay buhay o lumilitaw na walang buhay sa mga mata ng tao, ay nasa kamay Niya, kung saan Niya sila kinokontrol at pinaghaharian. Walang sinuman ang makapagbabago o makasisira sa mga patakarang ito. Ibig sabihin, nang nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, patiunang itinakda Niya na kung wala ang lupa, ang puno ay hindi maaaring magkaugat, umusbong, at lumago; na kung ang lupa ay walang mga puno, ito ay matutuyo; na ang puno ang magiging tahanan ng mga ibon at ang lugar kung saan sila maaaring magkanlong mula sa malakas na hangin. Mabubuhay ba ang puno nang walang sikat ng araw? (Hindi.) Ni hindi rin ito mabubuhay kasama ang lupa lamang. Ang lahat ng bagay na ito ay para sa sangkatauhan, para sa ikabubuhay ng sangkatauhan. Mula sa puno, nakatatanggap ang tao ng sariwang hangin, at nabubuhay sa ibabaw ng lupa, na pinangangalagaan ng puno. Hindi mabubuhay ang tao nang walang sikat ng araw o iba’t ibang mga bagay na nabubuhay. Bagaman kumplikado ang mga ugnayang ito, kailangan mong tandaan na nilikha ng Diyos ang mga patakaran na namamahala sa lahat ng bagay upang mapalakas ng mga ito ang isa’t isa, umasa ang mga ito sa isa’t isa, at sama-samang umiral. Sa madaling salita, bawa’t isang bagay na Kanyang nilikha ay may halaga at kabuluhan. Kung ang Diyos ay lumikha ng isang bagay na walang kabuluhan, paglalahuin ito ng Diyos. Ito ay isa sa mga pamamaraan na ginagamit ng Diyos upang maglaan para sa lahat ng bagay.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VII
Ang kasabihang “Ang Diyos ay naglalaan para sa lahat ng bagay” ay may napakalawak na kabuluhan at saklaw. Hindi lamang pinaglalaanan ng Diyos ang mga tao ng kanilang pang-araw-araw na pagkain at inumin; pinaglalaanan Niya ang sangkatauhan ng lahat ng bagay na kanilang kailangan, kabilang ang lahat ng bagay na nakikita ng tao, at pati na rin ang mga bagay na hindi nakikita. Itinataguyod, pinamamahalaan, at pinaghaharian ng Diyos ang buhay na kapaligirang ito, na mahalaga sa sangkatauhan. Ibig sabihin, anumang kapaligiran ang kinakailangan ng sangkatauhan sa bawa’t panahon, inihanda na ito ng Diyos. Pinamamahalaan din ng Diyos ang uri ng hangin o temperatura upang maging angkop para sa ikabubuhay ng tao. Ang mga patakarang namamahala sa mga bagay na ito ay hindi nangyayari sa ganang mga sarili nito lamang o basta na lang nagaganap; ang mga ito ay bunga ng kaitaas-taasang kapangyarihan ng Diyos at Kanyang mga gawa. Ang Diyos Mismo ang pinagmumulan ng lahat ng patakarang ito at ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay. Naniniwala ka man dito o hindi, nakikita mo man ito o hindi, o naiintindihan mo man ito o hindi, ito ay nananatiling isang matatag at hindi-matututulang katunayan.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VII
Ano ang mga pangunahing kondisyon kung saan nakasalig ang iba’t ibang paraan ng pamumuhay ng tao na ito? Hindi ba lubos na kailangan na maging pangunahin na mapangalagaan ang mga kapaligiran kung saan sila patuloy na nakakapamuhay? Ibig sabihin, kung mawala sa mga nabubuhay sa pangangaso ang mga kagubatan sa bundok o mga ibon at hayop, mawawala ang pinagkukunan nila ng kanilang ikabubuhay. Ang direksyong dapat puntahan ng lahi at uri ng mga taong ito ay mawawalan ng katiyakan, at maaari pa silang maglaho. At ano ang mangyayari sa mga nagpapastol ng mga hayop para sa kanilang ikakabuhay? Saan sila aasa? Ang tunay na sinasandigan nila ay hindi ang kanilang mga alagang hayop, kundi ang kapaligiran kung saan nabubuhay ang kanilang mga alagang hayop—ang mga damuhan. Kung wala ang mga damuhan, saan sila magpapastol ng kanilang mga alagang hayop? Ano ang kakainin ng mga baka at tupa? Kung wala ang mga hayop, ang mga lagalag na taong ito ay hindi magkakaroon ng kabuhayan. Kung walang mapagkukunan ng ikakabuhay, saan patutungo ang mga taong ito? Ang patuloy na mabuhay ay magiging napakahirap para sa kanila; wala silang magiging kinabukasan. Kung walang mga pinagmumulan ng tubig, at ang mga ilog at mga lawa ay matutuyo, magkakaroon pa rin ba ng lahat ng isda na umaasa sa tubig para mabuhay? Mawawala na ang mga ito. Ang mga tao ba na umaasa sa tubig at isda para sa kanilang ikabubuhay ay patuloy pang mabubuhay? Kung wala na silang pagkain, kung wala na silang pinagkukunan ng kanilang mga ikakabuhay, ang mga taong ito ay hindi na makapagpapatuloy na mabuhay. Ibig sabihin, sa sandaling magkaroon ng suliranin sa kanilang mga kabuhayan o kakayahan para mabuhay ang anumang lahi, ang lahing iyon ay hindi na makapagpapatuloy pa, at maaari silang maglaho sa balat ng lupa at tuluyang mawala. At kung ang mga nagsasaka para sa kanilang ikabubuhay ay mawawalan ng kanilang lupa, kung hindi na sila makapagtatanim ng lahat ng uri ng halaman at makakakuha ng kanilang pagkain mula sa mga halamang iyon, ano ang kahihinatnan nito kung gayon? Kung walang pagkain, hindi ba mamamatay sa gutom ang mga tao? Kapag ang mga tao ay namamatay sa gutom, hindi ba malilipol ang lahi ng mga taong iyon? Kaya ito ang layunin ng Diyos sa pagpapanatili ng iba’t ibang uri ng kapaligiran. May isang layunin lamang ang Diyos sa pagpapanatili ng iba’t ibang kapaligiran at ekosistema at ng lahat ng iba’t ibang nabubuhay na nilalang sa mga ito—at ito ay upang pangalagaan ang lahat ng uri ng mga tao, upang pangalagaan ang mga tao na nabubuhay sa iba’t ibang heograpikal na kapaligiran.
Kung lahat ng bagay na nilikha ay nawalan ng sarili nitong mga batas, hindi na iiral pa ang mga ito; kung nawalan ng mga batas ang lahat ng bagay, ang mga nabubuhay na nilalang sa lahat ng bagay ay hindi magagawang magpatuloy. Mawawala rin sa sangkatauhan ang kanilang mga kapaligiran kung saan sila umaasa para patuloy na mabuhay. Kung mawala sa mga tao ang lahat ng iyon, hindi na sila makapagpapatuloy na mabuhay at magparami sa bawat henerasyon gaya ng ginagawa nila. Kaya nabubuhay ang mga tao hanggang ngayon ay dahil natutustusan sila ng Diyos ng lahat ng bagay na nilikha upang pangalagaan sila, upang pangalagaan ang sangkatauhan sa iba’t ibang kaparaanan. Dahil lamang sa pangangalaga ng Diyos sa sangkatauhan sa iba’t ibang paraan kaya sila ay patuloy na nabubuhay hanggang sa ngayon sa kasalukuyang panahon. Sa pamamagitan ng nakapirming kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay na kanais-nais at may kaayusan, lahat ng iba’t ibang uri ng tao sa lupa, lahat ng iba’t ibang uri ng lahi, ay patuloy na mabubuhay sa loob ng kanilang sariling iminungkahing mga saklaw. Walang sinuman ang maaaring lumampas sa mga saklaw o mga hangganang ito sapagkat ang Diyos ang nagtakda ng mga ito.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IX
Ang Diyos ang Lumikha ng lahat ng pinakasaligang mga kalagayan para sa kaligtasan ng buhay ng tao, at pinamamahalaan at kinokontrol din ng Diyos ang mga bagay na ito; kahit ngayon, matapos ang libu-libong taon ng pag-iral ng tao, patuloy pa ring gumagawa ng mga pagbabago ang Diyos sa kanilang kapaligirang pinaninirahan, ibinibigay sa kanila ang pinakamainam at pinaka-angkop na kapaligiran upang mapanatili nang karaniwan ang kanilang mga buhay. Gaano katagal mapananatili ang gayong sitwasyon? Sa madaling salita, hanggang kailan magpapatuloy ang Diyos sa pagbibigay ng gayong kapaligiran? Hanggang lubusan nang matapos ng Diyos ang Kanyang gawain ng pamamahala. Pagkatapos, babaguhin ng Diyos ang kapaligirang pinaninirahan ng sangkatauhan. Maaaring gagawin Niya ang mga pagbabagong ito gamit ang parehong mga pamamaraan, o maaaring gamit ang ibang pamamaraan, nguni’t ang talagang dapat malaman ng mga tao ngayon ay na patuloy na nagtutustos ang Diyos para sa mga pangangailangan ng sangkatauhan; pinamamahalaan ang kapaligirang pinaninirahan ng sangkatauhan; at pinangangalagaan, iniingatan, at pinananatili ang kapaligirang iyon. Sa gayong kapaligiran, nagagawa ng hinirang na mga tao ng Diyos na mamuhay nang karaniwan at tanggapin ang pagliligtas at pagkastigo at paghatol ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay nagpapatuloy na mabuhay dahil sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at patuloy na sumusulong ang buong sangkatauhan dahil sa gayong pagtutustos mula sa Diyos.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VIII
Nilikha ng Diyos ang mundong ito at dinala ang tao, isang nabubuhay na nilalang na pinagkalooban Niya ng buhay. Sumunod, nagkaroon ng mga magulang at kamag-anak ang tao, at hindi na nag-iisa. Mula nang unang makita ng tao ang materyal na mundong ito, itinadhana siyang mabuhay sa loob ng ordinasyon ng Diyos. Ang hininga ng buhay mula sa Diyos ang sumusuporta sa bawat nabubuhay na nilalang sa kanyang paglaki hanggang sa kanyang pagtanda. Sa prosesong ito, walang nakadarama na lumalaki ang tao sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos; sa halip, naniniwala sila na lumalaki siya sa ilalim ng mapagmahal na pangangalaga ng kanyang mga magulang, at na ang likas na pag-uugali niya sa buhay ang gumagabay sa kanyang paglaki. Ito ay dahil hindi alam ng tao kung sino ang nagkaloob ng buhay niya, o kung saan ito nanggaling, lalo nang hindi niya alam kung paano lumilikha ng mga himala ang likas na pag-uugali niya sa buhay. Ang alam lang niya ay na pagkain ang saligan ng pagpapatuloy ng buhay, na pagtitiyaga ang pinagmumulan ng kanyang pag-iral, at na mga paniniwala sa kanyang isipan ang puhunan kung saan nakadepende ang kanyang pananatiling buhay. Tungkol sa biyaya at panustos ng Diyos, walang anumang naaalala ang tao, kaya nga inaaksaya niya ang buhay na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos…. Wala ni isa sa sangkatauhang ito na pinangangalagaan ng Diyos gabi’t araw ang nagkukusang sambahin Siya. Patuloy lang ang Diyos sa paghubog sa tao, nang walang anumang inaasahan, tulad ng naplano na Niya. Ginagawa Niya iyon sa pag-asang balang araw, magigising ang tao mula sa kanyang panaginip at biglang matatanto ang halaga at kahulugan ng buhay, ang halagang katumbas ng lahat ng naibigay ng Diyos sa kanya, at ang sabik na kahilingan ng Diyos na bumalik ang tao sa Kanya. Wala pang sinumang sumuri sa mga lihim ng pamamahala sa pinagmulan at pagpapatuloy ng buhay ng tao. Diyos lamang, na nakauunawa sa lahat ng ito, ang tahimik na nagtitiis ng pasakit at mga dagok na ibinibigay ng tao, na nakatanggap ng lahat mula sa Diyos ngunit hindi nagpapasalamat. Natural lang na tinatamasa ng tao ang lahat ng idinudulot ng buhay, at, gayundin, “natural lang” na ang Diyos ay ipinagkanulo, kinalimutan, at hinuthutan ng tao. Gayon kaya talaga kahalaga ang plano ng Diyos? Gayon kaya talaga kahalaga ang tao, ang buhay na nilalang na ito na nagmula sa kamay ng Diyos? Ang plano ng Diyos ay siguradong mahalaga; gayunman, ang buhay na nilalang na ito na nilikha ng kamay ng Diyos ay nabubuhay para sa kapakanan ng Kanyang plano. Samakatuwid, hindi puwedeng sayangin ng Diyos ang Kanyang plano dahil sa galit sa sangkatauhang ito. Para sa kapakanan ng Kanyang plano at para sa hiningang inilabas Niya kaya tinitiis ng Diyos ang lahat ng hirap, hindi para sa katawan ng tao kundi para sa buhay ng tao. Ginagawa Niya iyon para mabawi hindi ang katawan ng tao kundi ang buhay na inihinga Niya. Ito ang Kanyang plano.
Lahat ng dumarating sa mundong ito ay kailangang magdaan sa buhay at kamatayan, at karamihan sa kanila ay nagdaan na sa paulit-ulit na kamatayan at muling pagsilang. Yaong mga nabubuhay ay malapit nang mamatay, at ang patay ay malapit nang magbalik. Lahat ng ito ay ang landas ng buhay na isinaayos ng Diyos para sa bawat buhay na nilalang. Ngunit ang landas at siklong ito ay ang katotohanan mismong nais ng Diyos na makita ng tao: na ang buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa tao ay walang hanggan, hindi mapipigilan ng katawan, panahon, o kalawakan. Ito ang hiwaga ng buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa tao, at patunay na ang buhay ay nagmula sa Kanya. Bagama’t maaaring maraming hindi naniniwala na ang buhay ay nagmula sa Diyos, hindi maiiwasan na tamasahin ng tao ang lahat ng nagmumula sa Diyos, naniniwala man sila o hindi sa Kanyang pag-iral. Kung sakaling dumating ang araw na biglang magbago ang puso ng Diyos at naisin Niyang bawiin ang lahat ng umiiral sa mundo at ang buhay na naibigay Niya, mawawala na ang lahat. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang buhay para tustusan ang lahat ng bagay, kapwa buhay at walang buhay, na dinadala ang lahat sa magandang kaayusan sa bisa ng Kanyang kapangyarihan at awtoridad. Ito ay isang katotohanan na walang makakaisip o makakaunawa, at ang mga katotohanang hindi maunawaan ang siya mismong pagpapakita, at katibayan, ng puwersa ng buhay ng Diyos. Ngayo’y may lihim Akong sasabihin sa iyo: Ang kadakilaan at kapangyarihan ng buhay ng Diyos ay di-maarok ng sinumang nilalang. Gayon ito ngayon, tulad noon, at magkakagayon pagdating ng panahon. Ang pangalawang lihim na sasabihin Ko ay ito: Ang pinagmumulan ng buhay ng lahat ng nilikha ay ang Diyos, gaano man ang kanilang pagkakaiba sa anyo o kayarian; ano mang uri ka ng buhay na nilalang, hindi ka maaaring sumalungat sa landas ng buhay na itinakda ng Diyos. Gayunman, ang nais Ko lang ay maunawaan ito ng tao: Kung walang pangangalaga, pag-iingat, at panustos ng Diyos, hindi matatanggap ng tao ang lahat ng dapat niyang matanggap, gaano man katindi ang kanyang pagsisikap o pagpupunyagi. Kung wala ang panustos ng buhay mula sa Diyos, nawawalan ng pagpapahalaga ang tao sa buhay at ng diwa ng kahulugan ng buhay. Paano matutulutan ng Diyos na sayangin ng tao ang halaga ng Kanyang buhay, na walang inaalala? At tulad ng nasabi Ko dati: Huwag kalimutan na ang Diyos ang pinagmumulan ng iyong buhay. Kapag nabigo ang tao na itangi ang lahat ng naipagkaloob ng Diyos, hindi lamang babawiin ng Diyos ang ibinigay Niya sa simula, kundi ay pagbabayarin Niya ang tao nang doble ng halaga ng lahat ng naibigay Niya.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao
Simula noong nagkaroon ng pamamahala ng Diyos, lagi na Siyang nakatalagang lubos sa pagsasagawa ng Kanyang gawain. Sa kabila ng pagtatakip ng Kanyang persona mula sa tao, palagi lang Siyang nasa tabi ng tao, gumagawa sa tao, nagpapahayag ng Kanyang disposisyon, ginagabayan ang lahat ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang diwa, at ginagawa ang Kanyang gawain sa bawat isang tao gamit ang Kanyang kalakasan, ang Kanyang karunungan, at ang Kanyang awtoridad, kung kaya’t nagkaroon ng Kapanahunan ng Kautusan, Kapanahunan ng Biyaya, at ng Kapanahunan ng Kaharian sa kasalukuyan. Bagama’t itinatago ng Diyos ang Kanyang persona mula sa tao, ang Kanyang disposisyon, kung ano Siya at kung anong mayroon Siya, at ang Kanyang kalooban sa sangkatauhan ay walang pangingiming ipinahahayag sa tao upang makita at maranasan ng tao. Sa madaling salita, kahit hindi makita o mahipo ng mga tao ang Diyos, ang disposisyon at diwa ng Diyos na naranasan ng sangkatauhan ay lubos na mga pagpapahayag ng Mismong Diyos. Hindi ba iyan ang katotohanan? Anumang paraan o anggulong pinipili ng Diyos para sa Kanyang gawain, palagi Niyang tinatrato ang mga tao nang nasa Kanyang totoong pagkakakilanlan, ginagawa ang dapat Niyang gawin at sinasabi ang mga salitang dapat Niyang sabihin. Mula sa anumang katayuan mangusap ang Diyos—maaaring nakatayo Siya sa ikatlong kalangitan, o nakatayo sa katawang-tao, o kahit bilang isang karaniwang tao—lagi Siyang nangungusap sa tao nang buong puso at sa Kanyang buong kaisipan, nang walang pandaraya o pagkukubli. Kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain, ipinahahayag ng Diyos ang Kanyang salita at ang Kanyang disposisyon, at ipinahahayag kung anong mayroon at kung ano ang Diyos, nang walang anumang pangingimi. Ginagabayan Niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang buhay, at kung ano Siya at kung anong mayroon Siya.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I
Ang gawain ng pamamahala ng Diyos ay nagsimula sa paglikha ng mundo, at ang tao ang nasa sentro ng gawaing ito. Masasabi na ang paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay ay para sa kapakanan ng tao. Dahil ang gawain ng Kanyang pamamahala ay umaabot nang libu-libong taon at hindi ginagawa sa loob lamang ng ilang minuto o segundo, o sa isang kisapmata, o isa o dalawang taon, kinailangan Niyang lumikha ng iba pang mga bagay na kinakailangan para mabuhay ang sangkatauhan, tulad ng araw, buwan, lahat ng uri ng nilikhang may buhay, pagkain, at isang kawili-wiling kapaligiran. Ito ang simula ng pamahahala ng Diyos.
Pagkatapos, ipinasa ng Diyos ang sangkatauhan kay Satanas, at namuhay ang tao sa ilalim ng sakop ni Satanas, na unti-unting humantong sa gawain ng Diyos sa unang kapanahunan: ang kuwento ng Kapanahunan ng Kautusan…. Sa loob ng ilang libong taon sa Kapanahunan ng Kautusan, ang sangkatauhan ay nasanay sa paggabay ng Kapanahunan ng Kautusan at hindi ito pinahalagahan. Unti-unti, iniwan ng tao ang pangangalaga ng Diyos. Kaya nga, habang sumusunod sa batas, sumamba rin sila sa mga diyus-diyusan at gumawa ng masama. Wala silang proteksyon ni Jehova, at namuhay lamang sa harap ng altar sa templo. Sa katunayan, ang gawain ng Diyos ay matagal na silang iniwan, at kahit sumunod pa rin sa kautusan ang mga Israelita, at sinambit nila ang pangalan ni Jehova, at buong pagmamalaki pang naniwala na sila lamang ang mga tao ni Jehova at ang mga hinirang ni Jehova, ang kaluwalhatian ng Diyos ay tahimik na lumisan sa kanila …
Kapag ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, palagi Niyang tahimik na nililisan ang isang lugar at marahang isinasagawa ang bagong gawaing sinisimulan Niya sa ibang lugar. Tila hindi ito kapani-paniwala sa mga tao, na naging manhid. Palagi nang pinahahalagahan ng mga tao ang luma at kinapopootan at kinaiinisan ang bago at di-pamilyar na mga bagay. Kaya nga, anumang bagong gawain ang ginagawa ng Diyos, mula simula hanggang wakas, ang tao ang huli, sa lahat ng bagay, na nakakaalam dito.
Gaya ng palaging nangyayari, matapos ang gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan, sinimulan ng Diyos ang Kanyang bagong gawain ng ikalawang yugto: ang pagkakaroon ng katawan—ang magkatawang-tao bilang tao sa loob ng sampu o dalawampung taon—at pagsasalita at paggawa ng Kanyang gawain sa gitna ng mga mananampalataya. Subalit walang eksepsyon, walang nakaalam dito, at iilang tao lamang ang kumilala na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao matapos ipako sa krus at mabuhay na mag-uli ang Panginoong Jesus. … Nang makumpleto ang pangalawang yugto ng gawain ng Diyos—pagkaraan ng pagpapako sa krus—naisakatuparan ang gawain ng Diyos na bawiin ang tao mula sa kasalanan (ibig sabihin, bawiin ang tao mula sa mga kamay ni Satanas). Kaya nga, mula sa sandaling iyon, kinailangan lamang tanggapin ng sangkatauhan ang Panginoong Jesus bilang Tagapagligtas, at mapapatawad na ang kanyang mga kasalanan. Sa madaling salita, ang mga kasalanan ng tao ay hindi na isang hadlang sa pagkakamit niya ng kaligtasan at pagharap sa Diyos, at hindi na batayan ng pag-akusa ni Satanas sa tao. Iyon ay dahil ang Diyos Mismo ay nagsagawa na ng tunay na gawain, naging wangis at patikim ng makasalanang laman, at ang Diyos Mismo ang naging handog para sa kasalanan. Sa ganitong paraan, ang tao ay bumaba mula sa krus, at tinubos at iniligtas sa pamamagitan ng laman ng Diyos—ang wangis nitong makasalanang laman. Kaya nga, matapos mabihag ni Satanas, nakalapit nang isang hakbang ang tao palapit sa pagtanggap ng Kanyang pagliligtas sa harap ng Diyos. Mangyari pa, ang yugtong ito ng gawain ay mas malalim at mas maunlad kaysa sa pamamahala ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan.
…………
At pagkatapos ay dumating ang Kapanahunan ng Kaharian, na siyang mas praktikal na yugto ng gawain, subalit ito rin ang pinakamahirap para sa tao na tanggapin. Iyon ay dahil habang mas napapalapit ang tao sa Diyos, mas napapalapit ang tungkod ng Diyos sa tao, at mas malinaw na nahahayag ang mukha ng Diyos sa tao. Kasunod ng pagtubos sa sangkatauhan, opisyal na bumabalik ang tao sa pamilya ng Diyos. Akala ng tao ay ngayon na ang oras para sa kasiyahan, subalit isinasailalim siya sa isang harap-harapang paglusob ng Diyos, na ang mga katulad ay hindi pa nakini-kinita ng sinuman: Lumalabas na ito ay isang pagbibinyag na kailangang “ikagalak” ng mga tao ng Diyos. Sa ilalim ng gayong pagtrato, walang pagpipilian ang mga tao kundi ang huminto at isipin sa kanilang sarili, “Ako ang corderong nawala nang maraming taon na labis na pinaggugulan ng Diyos upang maibalik, kaya bakit ako tinatrato ng Diyos nang ganito? Ito ba ang paraan na pinagtatawanan ako ng Diyos, at inilalantad ako? …” Pagkaraan ng ilang taon, nabugbog ng panahon ang tao, nakaranas na ng hirap ng pagpipino at pagkastigo. Bagama’t nawala sa tao ang “kaluwalhatian” at “pagmamahalan” ng mga panahong nakaraan, hindi niya namalayan na nauunawaan na niya ang mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao, at nagkaroon na siya ng pagpapahalaga sa ilang taon ng debosyon ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Unti-unting nagsimulang kasuklaman ng tao ang sarili niyang kabangisan. Nagsisimula siyang kamuhian kung gaano siya kabangis, lahat ng maling pagkaunawa niya sa Diyos, at ang di-makatwirang mga kahilingang nagawa niya sa Kanya. Hindi maibabalik ang mga kamay ng orasan. Ang nakaraang mga kaganapan ay nagiging malulungkot na alaala ng tao, at ang mga salita at pagmamahal ng Diyos ang nagtutulak sa tao na magbagumbuhay. Ang mga sugat ng tao ay naghihilom araw-araw, nagbabalik ang kanyang lakas, at tumatayo siya at tumitingin sa mukha ng Makapangyarihan sa lahat … para lamang matuklasan na palagi Siyang nasa aking tabi, at na ang Kanyang ngiti at Kanyang magandang mukha ay lubha pa ring nagpapasigla. May malasakit pa rin Siya sa Kanyang puso para sa sangkatauhan na Kanyang nilikha, at mainit at makapangyarihan pa rin ang Kanyang mga kamay tulad noong simula. Para bang ang tao ay nagbalik sa Halamanan ng Eden, subalit sa pagkakataong ito ay hindi na nakikinig ang tao sa mga panunukso ng ahas at hindi na tumatalikod palayo sa mukha ni Jehova. Lumuluhod ang tao sa harap ng Diyos, tumitingala sa nakangiting mukha ng Diyos, at nag-aalok ng kanyang pinakamahalagang sakripisyo—O! Panginoon ko, Diyos ko!
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos
Nakalipas na ang ilang libong taon, at tinatamasa pa rin ng sangkatauhan ang liwanag at hangin na ipinagkaloob ng Diyos, hinihinga pa rin ang hininga na inihinga ng Diyos Mismo, tinatamasa pa rin ang mga bulaklak, ibon, isda at mga insektong nilikha ng Diyos, at tinatamasa ang lahat ng bagay na ibinigay ng Diyos; patuloy pa rin ang araw at gabi sa pagpapalitan sa isa’t isa; ganoon pa rin ang paghahalinhinan ng apat na panahon; ang lumilipad na gansa sa papawirin ay umaalis sa taglamig, at bumabalik pa rin sa susunod na tagsibol; ang mga isda sa tubig ay hindi kailanman umaalis sa mga ilog at lawa—na kanilang tahanan; ang mga sikada sa lupa ay malakas na kumakanta sa mga araw ng tag-init; ang mga kuliglig sa mga damo ay marahang humuhuni nang sabay sa hangin sa panahon ng taglagas; ang mga gansa ay nagsasama-sama sa kawan, habang nananatiling mag-isa ang mga agila; tinutustusan ng mga grupo ng leon ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pangangaso; hindi lumalayo ang usa sa damo at mga bulaklak…. Ang bawat uri ng buhay na nilalang sa gitna ng lahat ng bagay ay umaalis at bumabalik, at muling umaalis pagkatapos, milyun-milyong pagbabago ang nangyayari sa isang kisap-mata—ngunit ang hindi nagbabago ay ang kanilang mga likas na pag-uugali at ang mga batas ng pananatiling buhay. Nabubuhay sila sa ilalim ng panustos at pagpapakain ng Diyos, at walang sinuman ang makakapagbago ng kanilang mga likas na pag-uugali, at walang sinuman ang makakasira sa kanilang mga patakaran ng pananatiling buhay. Bagama’t ang sangkatauhan, na namumuhay sa gitna ng lahat ng bagay, ay nagawa nang tiwali at nalinlang ni Satanas, hindi pa rin maaaring mawala sa tao ang tubig na ginawa ng Diyos, at ang hangin na ginawa ng Diyos, at ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos, at namumuhay pa rin at dumadami ang tao sa espasyong ito na ginawa ng Diyos. Ang likas na pag-uugali ng sangkatauhan ay hindi pa nagbabago. Nakadepende pa rin ang tao sa kanyang mga mata para makakita, sa kanyang mga tainga para makarinig, sa kanyang utak para makapag-isip, sa kanyang puso para makaunawa, sa kanyang mga binti at paa para maglakad, sa kanyang mga kamay para magtrabaho, at iba pa; ang lahat ng likas na pag-uugali na ipinagkaloob ng Diyos sa tao para matanggap niya ang mga panustos ng Diyos ay nananatiling hindi nagbabago, ang mga kakayahan na ginagamit ng tao para makipagtulungan sa Diyos ay hindi nagbago, ang kakayahan ng sangkatauhan para gumanap ng tungkulin bilang isang nilikhang katauhan ay hindi nagbago, ang mga pangangailangang espirituwal ng sangkatauhan ay hindi nagbago, ang pagnanais ng tao para mahanap ang kanyang mga pinagmulan ay hindi nagbago, ang paghahangad ng sangkatauhan na mailigtas ng Lumikha ay hindi nagbago. Ganyan ang kasalukuyang mga kalagayan ng sangkatauhan, na namumuhay sa ilalim ng awtoridad ng Diyos, at nakapagtiis na ng madugong pagkasira na ginawa ni Satanas. Bagaman ang sangkatauhan ay napasailalim na sa pagpapahirap ni Satanas, at hindi na sina Adan at Eba mula sa simula ng paglikha, ngunit sa halip ay puno ng mga bagay-bagay na laban sa Diyos, tulad ng kaalaman, imahinasyon, kuru-kuro, at iba pa, at puno ng mga tiwali at malademonyong disposisyon, sa mga mata ng Diyos, ang sangkatauhan ay ang parehong sangkatauhan pa rin na Kanyang nilikha. Ang sangkatauhan ay pinaghaharian at isinasaayos pa rin ng Diyos, at namumuhay pa rin sa loob ng landas na itinalaga ng Diyos, at kaya sa mga mata ng Diyos, ang sangkatauhan, na ginawa nang tiwali ni Satanas, ay nababalot lamang ng dumi, may kumakalam na sikmura, may kaunting kabagalan ang reaksiyon, may memorya na hindi na kasing talas ng dati, at medyo may katandaan na—ngunit ang lahat ng paggana at likas na pag-uugali ng tao ay lubos na hindi nasira. Ito ang sangkatauhan na hinahangad ng Diyos na iligtas. Kailangan lamang marinig ng sangkatauhan ang tawag ng Lumikha, at marinig ang tinig ng Lumikha, at tatayo siya at magmamadaling hanapin ang pinagmumulan ng tinig na ito. Kailangan lamang makita ng sangkatauhan ang anyo ng Lumikha at siya’y mawawalan na ng pakialam sa lahat ng iba pa, at tatalikuran ang lahat, para ilaan ang kanyang sarili sa Diyos, at ibubuwis pa nga ang kanyang buhay para sa Kanya. Kapag naintindihan ng puso ng sangkatauhan ang taos-pusong mga salita ng Lumikha, tatanggihan ng sangkatauhan si Satanas at lalapit sa tabi ng Lumikha; kapag lubos nang nahugasan ng sangkatauhan ang dumi mula sa kanyang katawan, at muling natanggap ang panustos at pagpapakain ng Lumikha, kung gayon ay mapanunumbalik ang alaala ng sangkatauhan, at sa pagkakataong ito ang sangkatauhan ay tunay nang magbabalik sa pamamahala ng Lumikha.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.