Paano pinangangasiwaan at pinamamahalaan ng Diyos ang buong mundong sansinukob

Hulyo 10, 2021

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Sa kalakhan ng sansinukob at ng kalangitan, di-mabilang na mga nilikha ang naninirahan at nagpaparami, sumusunod sa batas ng siklo ng buhay, at sumusunod sa isang tuntuning hindi nagbabago. Yaong mga namamatay ay tinatangay ang mga kuwento ng mga buhay, at yaong mga buhay ay inuulit ang parehong kalunus-lunos na kasaysayan ng mga pumanaw na. Kaya nga, hindi maiwasan ng sangkatauhan na tanungin ang sarili: Bakit tayo nabubuhay? At bakit kailangan nating mamatay? Sino ang nag-uutos sa mundong ito? At sino ang lumikha sa sangkatauhang ito? Tunay bang nilikha ng Inang Kalikasan ang sangkatauhan? Tunay bang nasa kontrol ng sangkatauhan ang kanyang sariling kapalaran? … Ito ang mga bagay na walang tigil na itinatanong ng sangkatauhan sa loob ng libu-libong taon. Sa kasamaang-palad, habang mas nasasaisip ng tao ang mga katanungang ito, mas nagkakaroon siya ng pagkauhaw sa siyensya. Handog ng siyensya ang panandaliang kaluguran at pansamantalang kasiyahan ng laman, ngunit hindi sapat upang palayain ang tao mula sa pag-iisa, kalungkutan, at halos di-maitagong takot at kawalan ng magagawa sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa. Ginagamit lamang ng sangkatauhan ang kaalaman sa siyensya na nakikita ng kanyang mata at nauunawaan ng kanyang utak upang gawing manhid ang kanyang puso. Gayunma’y hindi sapat ang gayong kaalaman sa siyensya upang pigilan ang sangkatauhan sa pagsisiyasat sa mga hiwaga. Hindi lamang alam ng sangkatauhan kung sino ang Pinakamakapangyarihan sa sansinukob at sa lahat ng bagay, lalo na ang simula at hinaharap ng sangkatauhan. Ang tao ay nabubuhay lamang, nang sapilitan, sa gitna ng batas na ito. Walang makakatakas dito at walang makakapagpabago rito, sapagkat sa lahat ng bagay at sa kalangitan ay Iisa lamang ang nagmumula sa walang hanggan hanggang walang hanggan na nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Siya Yaong hindi pa nakikita ng tao kailanman, Yaong hindi pa nakikilala ng sangkatauhan kailanman, na kung kaninong pag-iral ay hindi pa napaniwalaan ng sangkatauhan kailanman—gayunma’y Siya ang nagbuga ng hininga sa mga ninuno ng sangkatauhan at nagbigay ng buhay sa sangkatauhan. Siya Yaong nagtutustos at nangangalaga sa sangkatauhan, na nagpapahintulot na siya ay umiral; at Siya Yaong nakagabay sa sangkatauhan hanggang ngayon. Bukod pa rito, Siya at Siya lamang ang inaasahan ng sangkatauhan para sa kaligtasan. Siya ang nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at namumuno sa lahat ng nabubuhay sa sansinukob. Siya ang nag-uutos sa apat na panahon, at Siya ang tumatawag sa hangin, nagyelong hamog, niyebe, at ulan. Siya ang nagdadala ng sikat ng araw sa sangkatauhan at nagpapasimula sa gabi. Siya ang naglatag ng kalangitan at lupa, na nagbibigay sa tao ng mga kabundukan, lawa, at ilog at lahat ng nabubuhay roon. Ang Kanyang mga gawa ay nasa lahat ng dako, ang Kanyang kapangyarihan ay nasa lahat ng dako, ang Kanyang karunungan ay nasa lahat ng dako, at ang Kanyang awtoridad ay nasa lahat ng dako. Bawat isa sa mga batas at tuntunin na ito ay sagisag ng Kanyang mga gawa, at bawat isa ay naghahayag ng Kanyang karunungan at awtoridad. Sino ang hindi magpapasaklaw ng kanilang sarili sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan? At sino ang hindi magpapasakop ng kanilang sarili sa Kanyang mga plano? Lahat ng bagay ay umiiral sa ilalim ng Kanyang titig, at bukod pa rito, lahat ng bagay ay nabubuhay sa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ang Kanyang mga gawa at Kanyang kapangyarihan ay nag-iiwan sa sangkatauhan na walang pagpipilian kundi kilalanin ang katunayan na Siya ay totoong umiiral at nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Wala maliban sa Kanya ang makapag-uutos sa sansinukob, lalong walang makapaglalaan nang walang katapusan para sa sangkatauhang ito. Nagagawa mo mang kilalanin ang mga gawa ng Diyos, at naniniwala ka man sa pag-iral ng Diyos, walang duda na ang Diyos ang nagpapasiya sa iyong kapalaran, at walang duda na palaging tataglayin ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang Kanyang pag-iral at awtoridad ay hindi nakasalalay sa kung sila ay kinikilala at naiintindihan ng tao o hindi. Siya lamang ang nakakaalam ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng tao, at Siya lamang ang maaaring magpasiya sa kapalaran ng sangkatauhan. Kaya mo mang tanggapin ang katunayan na ito, hindi na magtatagal bago masaksihan ng sangkatauhan ang lahat ng ito sa kanyang sariling mga mata, at ito ang katunayan na malapit nang isagawa ng Diyos. Ang sangkatauhan ay nabubuhay at namamatay sa ilalim ng mga mata ng Diyos. Ang tao ay nabubuhay para sa pamamahala ng Diyos, at kapag pumikit ang kanyang mga mata sa huling pagkakataon, para din sa pamamahalang ito kaya pumipikit ang mga ito. Ang tao ay dumarating at umaalis nang paulit-ulit, paroo’t parito. Walang eksepsyon, lahat ng ito ay bahagi ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ng Kanyang plano. Ang pamamahala ng Diyos ay hindi kailanman tumigil; ito ay patuloy na sumusulong. Papangyayarihin Niyang malaman ng sangkatauhan ang Kanyang pag-iral, pagtiwalaan ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mamasdan ang Kanyang mga gawa, at magbalik sa Kanyang kaharian. Ito ang Kanyang plano, at ang gawain na Kanyang pinamamahalaan sa loob ng libu-libong taon.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos

Bago nilikha ang sangkatauhang ito, umiiral na ang kosmos—ang lahat ng planeta at ang lahat ng bituin sa kalangitan. Sa malawakang antas, palagiang umiikot ang mga bagay na ito sa kalangitan, sa ilalim ng kontrol ng Diyos, sa kabuuan ng pag-iral ng mga ito, gaano man karami ang mga nagdaang taon. Kung anong planeta ang pupunta sa kung saan sa kung anong tiyak na oras; kung anong planeta ang gagawa ng kung anong gawain, at kailan; kung anong planeta ang iikot sa kung anong landas ng planeta, at kung kailan ito maglalaho o mapapalitan—lahat ng bagay na ito ay nagpapatuloy nang walang bahagya mang pagkakamali. Ang mga posisyon ng mga planeta at ang mga agwat sa pagitan ng mga ito ay sumusunod sa mahigpit na mga disenyo, na mailalarawang lahat ng tumpak na mga datos; ang mga landas na kanilang tinatahak, ang bilis at mga disenyo ng kanilang mga orbit, ang mga panahon na ang mga ito ay nasa iba’t ibang posisyon—ang lahat ng ito ay makakayang bilangin at ilarawan ng mga natatanging batas. Sa loob ng napakahabang panahon, sumunod ang mga planetang ito sa mga batas na ito, nang walang bahagya mang paglihis. Walang kapangyarihan ang may kakayahang baguhin o gambalain ang kanilang mga landas o ang mga disenyong kanilang sinusundan. Sapagkat naitadhana na ng awtoridad ng Lumikha ang natatanging mga batas na namamahala sa galaw ng mga ito at ang tumpak na mga datos na naglalarawan sa mga ito, kusang sinusunod ng mga ito ang mga batas na ito, sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at kontrol ng Lumikha. Sa malawakang antas, hindi mahirap para sa tao ang matuklasan ang ilang disenyo, ilang datos, at ilang naiiba at di-maipaliwanag na mga batas o di-karaniwang kaganapan. Bagama’t hindi tinatanggap ng sangkatauhan na mayroong Diyos, o ang katunayan na ang Lumikha ang gumawa at may kapamahalaan sa lahat ng bagay, at bukod pa rito ay hindi kinikilala ang pag-iral ng awtoridad ng Lumikha, patuloy na higit pang natutuklasan ng mga siyentipiko, astronomo, at pisiko na ang pag-iral ng lahat ng bagay sa sansinukob, at ang mga prinsipyo at mga disenyo na nagtatakda ng kanilang mga pagkilos, ay pinamamahalaan at kinokontrol na lahat ng isang malawak at di-nakikitang madilim na enerhiya. Ang katotohanang ito ang pumipilit sa tao na harapin at kilalanin na may Isang Makapangyarihan sa gitna ng mga disenyong ito ng pagkilos, na nagsasaayos sa lahat ng bagay. Hindi pangkaraniwan ang Kanyang kapangyarihan, at bagama’t walang sinuman ang nakakakita sa Kanyang tunay na mukha, Siya ang namamahala at kumukontrol sa lahat ng bagay sa bawat saglit. Walang tao o lakas ang may kakayahang lumampas sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Dahil nahaharap sa ganitong katotohanan, dapat kilalanin ng tao na ang mga batas na namamahala sa pag-iral ng lahat ng bagay ay hindi makakayang kontrolin ng mga tao, hindi makakayang baguhin ninuman; dapat din niyang tanggapin na hindi makakayang ganap na unawain ng mga nilikhang tao ang mga batas na ito; at ang mga ito ay hindi likas na nangyayari, bagkus ay ipinag-uutos ng isang Kataas-taasang Kapangyarihan. Ang lahat ng ito ay pagpapahayag ng awtoridad ng Diyos na maaaring makita ng sangkatauhan sa malawakang antas.

Sa pangmaliitang antas, lahat ng bundok, ilog, lawa, dagat, at kalupaan na maaaring makita ng tao sa lupa, lahat ng nararanasan niyang panahon, lahat ng bagay na naninirahan sa mundo, kabilang na ang mga halaman, hayop, mikroorganismo, at mga tao, ay napaiilalim sa kataas-taasang kapangyarihan at kontrol ng Diyos. Sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at kontrol ng Diyos, lahat ng bagay ay nalilikha o naglalaho ayon sa Kanyang mga saloobin; lumilitaw ang mga batas na namamahala sa pag-iral ng mga ito, at lumalago at dumarami ang mga ito sa pagtalima sa mga batas na ito. Walang tao o bagay na hindi saklaw ng mga batas na ito. Bakit ganito? Ang tanging sagot ay ito: Ito ay dahil sa awtoridad ng Diyos. O, sa ibang salita, ito ay dahil sa mga saloobin ng Diyos at mga salita ng Diyos; dahil sa mga pansariling kilos ng Diyos Mismo. Nangangahulugan ito na ang awtoridad ng Diyos at isip ng Diyos ang pinagmumulan ng mga batas na ito na nag-iiba at nagbabago sang-ayon sa Kanyang mga saloobin, at ang mga pag-iiba at mga pagbabagong ito ay nagaganap o lumilipas na lahat alang-alang sa Kanyang plano.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III

Nang likhain ng Diyos ang lahat ng bagay, nagtakda Siya ng mga hangganan para sa mga bundok, kapatagan, disyerto, burol, ilog, at lawa. Sa lupa ay may mga bundok, kapatagan, disyerto, at burol, gayundin ang iba’t ibang anyo ng tubig. Hindi ba iba’t ibang kalupaan ang mga ito? Ang Diyos ay nagtakda ng mga hangganan sa pagitan ng mga ito. Kapag binabanggit natin ang pagtatakda ng mga hangganan, nangangahulugan ito na ang mga bundok ay may mga balangkas, ang mga kapatagan ay may kani-kanilang mga balangkas, ang mga disyerto ay may ilang mga limitasyon, at ang mga burol ay may isang tiyak na lugar. Mayroon ding tiyak na dami ang mga anyong tubig gaya ng mga ilog at mga lawa. Iyon ay, nang likhain ng Diyos ang lahat ng bagay, hinati-hati Niya ang lahat nang buong linaw. Itinakda na ng Diyos kung ilang kilometro ang dapat na radyos ng anumang bundok at kung ano ang saklaw nito. Itinakda na rin Niya kung ilang kilometro ang dapat na radyos ng isang kapatagan at kung ano ang saklaw nito. Sa paglikha ng lahat ng bagay, itinakda rin Niya ang saklaw ng mga disyerto gayundin ang saklaw ng mga burol at ang mga bahagi nito, at kung ano ang magiging batayang hangganan nito—Siya rin ang nagtakda ng lahat ng ito. Itinakda Niya ang saklaw ng mga ilog at mga lawa noong nililikha Niya ang mga ito—lahat ng ito ay may mga hangganan. Kaya ano ang ibig sabihin kapag sinabi natin ang “mga hangganan”? Napag-usapan pa lang natin kung paano namamahala ang Diyos sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga batas para sa lahat ng bagay. Halimbawa, ang saklaw at hangganan ng mga bundok ay hindi lalawig o mababawasan dahil sa pag-ikot ng mundo o sa paglipas ng panahon. Ang mga ito ay nakapirmi, hindi magbabago, at ang Diyos ang nagtakda ng pagiging hindi nababago ng mga ito. Tungkol naman sa lugar ng mga kapatagan, kung ano ang saklaw nito, kung ano ang batayang hangganan nito—ito ay itinakda na ng Diyos. Mayroong mga hangganan ang mga ito, at dahil dito, ang isang umbok ng lupa ay hindi basta-basta na lamang lilitaw sa gitna ng isang kapatagan. Ang isang kapatagan ay hindi magiging bundok nang isang iglap—ito ay hindi magiging posible. Ang mga batas at mga hangganan na katatalakay pa lamang natin ay tumutukoy dito. Tungkol naman sa disyerto, hindi natin babanggitin dito ang mga partikular na tungkuling ginagampanan ng disyerto o alinmang kalupaan o heograpikal na lokasyon, kundi ang mga hangganan lamang ng mga ito. Sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, ang saklaw ng disyerto ay hindi rin lalawig. Ito ay dahil sa binigyan na ito ng Diyos ng kanya-kanyang batas, ng kanya-kanyang mga hangganan. Kung gaano kalaki ang sukat nito at kung ano ang papel nito, kung ano ang batayang hangganan nito, at kung saan ito matatagpuan—ito ay itinakda na ng Diyos. Hindi ito lalampas sa saklaw nito o kaya ay lilipat ng posisyon, at hindi basta lalawak ang sukat nito. Bagaman ang mga pagdaloy ng mga tubig gaya ng mga ilog at mga lawa ay nasa ayos nang lahat at nagpapatuloy, hindi lumabas ang mga ito kailanman sa saklaw nito o lumabas sa mga hangganan nito. Lahat ng ito ay dumadaloy sa isang direksyon, sa direksyon na dapat nitong daluyan nang maayos. Kaya sa ilalim ng mga batas ng pamamahala ng Diyos, walang ilog o lawa ang basta na lang matutuyo, o basta na lang magbabago ng direksyon o dami ng pagdaloy nito sanhi ng pag-ikot ng mundo o paglipas ng panahon. Ang lahat ng ito ay nakapaloob sa pamamahala ng Diyos. Ibig sabihin, lahat ng bagay na nilikha ng Diyos sa gitna ng sangkatauhan ay may itinakdang mga lugar, mga sukat, at mga saklaw. Ibig sabihin, nang likhain ng Diyos ang lahat ng bagay, ang mga hangganan nito ay naitakda na, at ang mga ito ay hindi basta na lang maiiba, magpapanibago, o mapapalitan. Ano ang ibig sabihin ng “basta na lang”? Nangangahulugan ito na hindi biglaang lilipat ang mga ito, lalawig, o magbabago ng likas na anyo nito dahil sa panahon, temperatura, o sa bilis ng pag-ikot ng mundo. Halimbawa, ang isang bundok ay may tiyak na taas, ang pundasyon nito ay may tiyak na sukat, mayroon itong tiyak na kataasan, at mayroon itong tiyak na dami ng mga halaman. Ang lahat ng ito ay pinlano at kinalkula ng Diyos at hindi ito basta na lang babaguhin. Tungkol naman sa mga kapatagan, ang karamihan ng mga tao ay naninirahan sa mga kapatagan, at walang mga pagpapalit sa klima ang makaaapekto sa mga sukat ng mga ito o sa kahalagahan ng pag-iral ng mga ito. Kahit pa ang nakapaloob sa iba’t ibang kalupaan na ito o ang mga heograpikal na kapaligiran na nilikha ng Diyos ay hindi basta na lang mababago. Halimbawa, kung ano ang mga bahagi ng disyerto, kung ano ang nakadepositong mga mineral sa ilalim ng lupa, kung gaano karaming buhangin ang mayroon ito at ang kulay ng buhangin, ang kapal ng disyerto—ang mga ito ay hindi basta na lang magbabago. Bakit ba hindi sila basta na lang magbabago? Ito ay dahil sa pamumuno ng Diyos at sa Kanyang pamamahala. Sa loob ng iba’t ibang kalupaang ito at heograpikal na mga kapaligiran na nilikha ng Diyos, pinamamahalaan Niya ang lahat ng bagay sa planado at maayos na paraan. Kaya lahat ng heograpikal na mga kapaligirang ito ay umiiral pa rin at ginagampanan ang kanilang itinakdang layunin matapos ang ilang libong taon, maging sampu-sampung libong taon simula nang likhain sila ng Diyos. Bagama’t may ilang pagkakataon na pumuputok ang mga bulkan, at ilang pagkakataon na nangyayari ang paglindol, at mayroong mga malakihang paggalaw ng lupa, tiyak na hindi hahayaan ng Diyos ang anumang uri ng kalupaan na mawala ang kaukulang layunin nito. Ito ay dahil lamang sa pamamahalang ito ng Diyos, sa Kanyang pamamahala at kontrol sa mga batas na ito, na ang lahat ng ito—lahat ng ito na nakikita at tinatamasa ng sangkatauhan—ay mabubuhay sa lupa sa maayos na paraan. Kaya bakit pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng iba’t ibang kalupaan na ito na umiiral sa lupa sa ganitong paraan? Ang Kanyang layunin ay upang ang mga bagay na nabubuhay sa iba’t ibang heograpikal na kapaligiran ay magkakaroon lahat ng matatag na kapaligiran, at upang patuloy silang mabuhay at makapagparami sa gayong matatag na kapaligiran. Ang lahat ng bagay na ito—ang mga nagsisikilos at ang mga hindi nagsisikilos, ang mga humihinga sa pamamagitan ng mga butas ng kanilang ilong at ang mga hindi—ay nakabubuo ng isang natatanging kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay ng sangkatauhan. Ang ganitong uri ng kapaligiran lamang ang makapag-aalaga ng magkakasunod na salinlahi ng mga tao, at ang ganitong uri lamang ng kapaligiran ang makapagpapahintulot sa mga tao na patuloy na payapang mamuhay, mula sa isang salinlahi hanggang sa susunod na salinlahi.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IX

Lahat ng bagay na nilikha ng Diyos—nakapirmi man ang mga ito sa isang lugar o nakakahinga man sa mga butas ng ilong nito—ay may mga sariling batas para patuloy na mabuhay. Bago pa man nilikha ng Diyos ang buhay na mga nilalang na ito, nakapaghanda na Siya para sa mga ito ng sarili nilang tahanan at sariling kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay ng mga ito. Ang buhay na mga nilalang na ito ay may sariling nakapirming mga kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay, sarili nilang pagkain, sarili nilang permanenteng mga tahanan, at ang mga ito ay may sariling permanenteng mga lugar na angkop para sa patuloy na pamumuhay ng mga ito, mga lugar na may mga temperatura na angkop para sa patuloy na pamumuhay ng mga ito. Samakatuwid, hindi na makakagala ang mga ito kung saan-saan o mailalagay sa alanganin ang patuloy na pamumuhay ng sangkatauhan o makakaapekto sa buhay ng mga tao. Sa ganitong paraan pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay, nagbibigay sa sangkatauhan ng pinakamainam na kapaligiran para patuloy na mabuhay. Bawat isa sa buhay na mga nilalang sa gitna ng lahat ng bagay ay mayroong pagkaing panustos-buhay sa loob ng sarili nitong mga kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay. Sa pamamagitan ng pagkaing iyon, ang mga ito ay napipirmi sa katutubong kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay ng mga ito. Sa gayong uri ng kapaligiran, ang mga ito ay patuloy na nabubuhay, nagpaparami, at sumusulong alinsunod sa mga batas na itinatag ng Diyos para sa mga ito. Dahil sa ganitong uri ng mga batas, dahil sa pagtatalaga ng Diyos, lahat ng bagay ay namumuhay nang mapayapa kasama ang sangkatauhan, at ang sangkatauhan ay nabubuhay nang magkakasama na umaasa sa isa’t isa sa lahat ng bagay.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IX

Nang nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, ginamit Niya ang lahat ng uri ng sistema at pamamaraan para mabalanse ang mga ito, upang mabalanse ang mga kalagayan sa pamumuhay ng mga kabundukan at mga lawa, ng mga halaman at ng lahat ng uri ng mga hayop, ibon, at insekto. Ang Kanyang layunin ay upang tulutan ang lahat ng uri ng mga nilalang na mabuhay at magparami sa ilalim ng mga batas na Kanyang itinatag. Walang isa mang bagay na nilikha ang makakalabag sa mga batas na ito, at hindi maaaring labagin ang mga batas. Sa loob lamang ng ganitong uri ng pangunahing kapaligiran na maaaring ligtas na makapanatiling buhay at makapagparami ang mga tao, sa maraming salinlahi. Kung ang isang nabubuhay na nilikha ay lumampas sa dami o saklaw na itinatag ng Diyos, o kapag nilampasan nito ang bilis ng paglago, dalas ng pagpaparami, o bilang na Kanyang idinikta, ang kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay ng sangkatauhan ay magdaranas ng magkakaibang mga antas ng pagkawasak. At sa kaparehong panahon, ang kakayahang mabuhay ng sangkatauhan ay manganganib. Kapag ang isang uri ng nabubuhay na nilalang ay masyadong marami sa bilang, nanakawin nito sa tao ang kanilang pagkain, sisirain ang mga pinagkukunan ng tubig ng mga tao, at sisirain ang kanilang mga bayan. Sa gayong paraan, ang pagpaparami ng sangkatauhan o ang kalagayan ng kanilang kakayahan para mabuhay ay dali-daling maaapektuhan. Halimbawa, ang tubig ay napakahalaga para sa lahat ng bagay. Kung masyadong marami ang mga daga, langgam, balang, at palaka, o ang anumang uri ng iba pang mga hayop, iinom ang mga ito ng mas maraming tubig. Habang ang dami ng tubig na iniinom ng mga ito ay tumataas, ang tubig na inumin ng mga tao at ang tubig sa loob ng nakapirming saklaw ng mga pinagkukunan ng tubig na maiinom at ang mga lugar na may tubig ay mababawasan at daranas sila ng kakulangan ng tubig. Kapag ang tubig na iniinom ng mga tao ay nasira, nakontamina, o nawala dahil ang lahat ng uri ng hayop ay dumami sa bilang, sa ilalim ng gayong uri ng malupit na kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay, ang patuloy na pamumuhay ng sangkatauhan ay lubhang manganganib. Kung mayroon lamang isang uri o iba’t ibang uri ng nilalang na may buhay ang lumampas sa angkop na bilang nito, kung gayon ang hangin, temperatura, kahalumigmigan, at maging ang nilalaman ng hangin sa loob ng espasyo ng sangkatauhan para sa patuloy na pamumuhay ay malalason at masisira sa magkakaibang antas. Sa ilalim ng ganitong mga kalagayan, ang patuloy na pamumuhay at kapalaran ng mga tao ay mapapasailalim din sa mga bantang dulot ng gayong uri ng mga salik sa ekolohiya. Kaya, kapag nawala ang mga balanseng iyon, ang hangin na hinihinga ng mga tao ay masisira, ang tubig na kanilang iniinom ay magiging kontaminado, at ang mga temperatura na kanilang kinakailangan ay magbabago rin at maaapektuhan sa iba’t ibang mga antas. Kung mangyayari iyon, ang mga kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay na likas na pag-aari ng sangkatauhan ay mapapasailalim sa mga katakut-takot na mga dagok at mga hamon. Sa ganitong uri ng kalagayan kung saan ang pangunahing mga kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay ng sangkatauhan ay nasira, ano ang magiging kapalaran at mga inaasahan ng sangkatauhan? Ito ay isang napakaseryosong suliranin! Sapagkat nalalaman ng Diyos kung bakit umiiral ang bawat isa sa mga bagay na nilikha alang-alang sa sangkatauhan, ano ang papel ng bawat uri ng bagay na Kanyang nilikha, anong uri ng epekto ang mayroon ito sa sangkatauhan, at gaano kalaki ang pakinabang ng sangkatauhan dito, dahil sa puso ng Diyos ay may plano para sa lahat ng ito at pinamamahalaan Niya ang bawat isang aspeto sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha, kaya ang bawat isang bagay na Kanyang ginagawa ay napakahalaga at kinakailangan ng sangkatauhan. Kaya mula ngayon, sa tuwing makamamasid ka ng ilang kakaibang pangyayaring ekolohikal sa mga bagay na nilikha ng Diyos, o ilang likas na mga batas na ipinatutupad sa mga bagay na nilikha ng Diyos, hindi ka na magdududa pa sa pangangailangan ng bawat isang bagay na nilikha ng Diyos. Hindi ka na uli gagamit pa ng mga ignoranteng pananalita upang gumawa ng mga hindi makatwirang paghatol sa pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng bagay at sa Kanyang iba’t ibang pamamaraan ng pagkakaloob sa sangkatauhan. Ni hindi ka rin gagawa ng mga hindi makatwirang konklusyon tungkol sa mga batas ng Diyos para sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IX

Ang pag-iral ng espirituwal na mundo ay hindi maihihiwalay ang kaugnayan sa materyal na mundo ng sangkatauhan. May malaking papel itong ginagampanan sa pag-inog ng buhay at kamatayan ng tao sa kapamahalaan ng Diyos sa lahat ng bagay; ito ang papel nito, at isa ito sa mga dahilan kaya mahalaga ang pag-iral nito. Dahil ito ay isang lugar na hindi mawari ng limang pandama, walang sinumang makakahatol nang tumpak kung umiiral nga ang espirituwal na mundo o hindi. Ang iba-ibang galaw nito ay lubhang konektado sa pag-iral ng tao, kaya naman ang kaayusan ng buhay ng sangkatauhan ay lubha ring naiimpluwensyahan ng espirituwal na mundo. Kasama ba rito ang dakilang kapangyarihan ng Diyos o hindi? Kasama. Kapag sinasabi Ko ito, nauunawaan ninyo kung bakit Ko tinatalakay ang paksang ito: Ito ay dahil may kinalaman ito sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, gayon din sa Kanyang pangangasiwa. Sa isang mundong tulad nito—na hindi nakikita ng mga tao—bawat makalangit na utos, atas, at sistema ng pangangasiwa nito ay lubhang nangingibabaw sa mga batas at sistema ng alinmang bansa sa materyal na mundo, at walang nabubuhay na nilalang sa mundong ito ang mangangahas na salungatin o labagin ang mga ito. Nauugnay ba ito sa dakilang kapangyarihan at pangangasiwa ng Diyos? Sa espirituwal na mundo, may malilinaw na atas administratibo, malilinaw na makalangit na utos, at malilinaw na batas. Sa iba’t ibang antas at sa iba-ibang lugar, ang mga tagapaglingkod ay mahigpit na tumutupad sa kanilang mga tungkulin at sumusunod sa mga panuntunan at regulasyon, sapagkat alam nila kung ano ang ibubunga ng paglabag sa isang makalangit na utos; alam na alam nila kung paano pinarurusahan ng Diyos ang masama at ginagantimpalaan ang mabuti, at kung paano Niya pinangangasiwaan at pinamumunuan ang lahat ng bagay. Bukod pa riyan, malinaw nilang nakikita kung paano Niya isinasagawa ang Kanyang makalangit na mga utos at batas. Naiiba ba ang mga ito mula sa materyal na mundong tinitirhan ng sangkatauhan? Tunay ngang malaki ang kanilang pagkakaiba. Ang espirituwal na mundo ay isang mundo na ganap na naiiba sa materyal na mundo. Yamang may mga makalangit na utos at batas, may kinalaman ito sa dakilang kapangyarihan at pangangasiwa ng Diyos at, bukod pa riyan, sa Kanyang disposisyon, gayon din sa kung anong mayroon Siya at kung ano Siya.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X

Nagtatag na ang Diyos ng iba-ibang makalangit na mga utos, atas, at sistema sa espirituwal na dako, at kapag naipahayag na ang mga ito, ipinatutupad ang mga ito nang napakahigpit, ayon sa itinakda ng Diyos, ng mga nilalang sa iba-ibang opisyal na katungkulan sa espirituwal na mundo, at walang sinumang mangangahas na labagin ang mga ito. Samakatuwid, sa siklo ng buhay at kamatayan ng sangkatauhan sa mundo ng tao, nagkaroon mang muli ng katawan ang isang tao bilang hayop o bilang tao, may mga batas para sa dalawang ito. Dahil ang mga batas na ito ay nagmumula sa Diyos, walang sinumang nangangahas na suwayin ang mga ito, ni walang sinumang nakakasuway sa mga ito. Dahil lamang sa dakilang kapangyarihang ito ng Diyos, at dahil umiiral ang gayong mga batas, kaya regular at maayos ang materyal na mundong nakikita ng mga tao; dahil lamang sa dakilang kapangyarihang ito ng Diyos kaya nagagawa ng sangkatauhan na sumabay sa pag-iral nang payapa sa ibang mundong lubos nilang hindi nakikita, at nagagawang mabuhay na kasundo nito—na lahat ay hindi maihihiwalay sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Pagkamatay ng buhay sa laman ng isang tao, may buhay pa rin ang kaluluwa, kaya nga ano ang mangyayari kung wala ito sa ilalim ng pangangasiwa ng Diyos? Gagala ang kaluluwa sa buong lugar, manghihimasok kahit saan, at pipinsalain pa ang mga bagay na may buhay sa mundo ng tao. Ang gayong pinsala ay hindi lamang gagawin sa sangkatauhan kundi maaari ding gawin sa mga halaman at hayop—gayunman, ang unang mapipinsala ay ang mga tao. Kung mangyayari ito—kung ang kaluluwang ito ay hindi napangasiwaan, tunay na puminsala sa mga tao, at talagang gumawa ng masasamang bagay—maayos ding pakikitunguhan ang kaluluwang ito sa espirituwal na mundo: Kung malubha ang mga bagay-bagay, hindi magtatagal at titigil sa pag-iral ang kaluluwa, at wawasakin. Kung maaari, ilalagay ito sa isang lugar at pagkatapos ay magkakaroong muli ng katawan. Ibig sabihin, itinakda na ang pangangasiwa ng espirituwal na mundo sa iba-ibang kaluluwa, at ipinatutupad alinsunod sa mga hakbang at panuntunan. Dahil lamang sa gayong pangangasiwa kaya hindi pa nagkakagulo sa materyal na mundo ng tao, kaya ang mga tao sa materyal na mundo ay nagtataglay ng normal na mentalidad, normal na pagkamakatwiran, at isang isinaayos na buhay sa laman. Pagkatapos magkaroon ng gayong normal na buhay ang sangkatauhan, saka lamang magagawa ng mga nabubuhay sa laman na patuloy na mabuhay at magparami sa lahat ng henerasyon.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X

Ang pagkamatay ng isang nilalang na may buhay—ang pagwawakas ng isang pisikal na buhay—ay nagpapahiwatig na ang nilalang na may buhay ay pumanaw na sa materyal na mundo at nagtungo sa espirituwal na mundo, samantalang ang pagsilang ng isang bagong pisikal na buhay ay nagpapahiwatig na ang isang nilalang na may buhay ay naparito na mula sa espirituwal na mundo patungo sa materyal na mundo at nagsimula nang gawin at gampanan ang papel nito. Paglisan man o pagdating ng isang nilalang, parehong hindi maihihiwalay ang mga ito mula sa gawain ng espirituwal na mundo. Pagdating ng panahon na dumating ang isang tao sa materyal na mundo, nakabuo na ang Diyos ng angkop na mga plano at pakahulugan sa espirituwal na mundo kung saang pamilya mapupunta ang taong iyon, ang panahon kung kailan sila darating, ang oras ng kanilang pagdating, at ang papel na kanilang gagampanan. Sa gayon, ang buong buhay ng taong ito—ang mga bagay na kanilang ginagawa, at ang mga landas na kanilang tinatahak—ay magpapatuloy ayon sa mga planong ginawa sa espirituwal na mundo, nang wala ni katiting na paglihis. Bukod pa riyan, ang panahon kung kailan magwawakas ang isang pisikal na buhay at ang paraan at lugar kung saan ito magwawakas ay malinaw at nahihiwatigan sa espirituwal na mundo. Pinamumunuan ng Diyos ang materyal na mundo, at pinamumunuan din Niya ang espirituwal na mundo, at hindi Niya aantalahin ang normal na siklo ng buhay at kamatayan ng isang kaluluwa, ni hindi Siya maaaring gumawa ng anumang mga pagkakamali sa mga plano ng siklong iyon. Bawat isa sa mga tagapamahala sa mga opisyal na puwesto sa espirituwal na mundo ay isinasagawa ang kanilang indibiduwal na mga gawain, at ginagawa yaong kinakailangan nilang gawin, alinsunod sa mga tagubilin at mga panuntunan ng Diyos. Sa gayon, sa mundo ng sangkatauhan, bawat materyal na kakaibang pangyayari na namasdan ng tao ay nasa ayos, at hindi magulo. Lahat ng ito ay dahil sa maayos na pamumuno ng Diyos sa lahat ng bagay, gayundin sa katotohanan na ang Kanyang awtoridad ang namumuno sa lahat ng bagay. Kabilang sa Kanyang kapamahalaan ang materyal na mundong tinitirhan ng tao at, bukod pa riyan, ang di-nakikitang espirituwal na mundo sa likod ng sangkatauhan. Samakatuwid, kung nais ng mga tao na magkaroon ng mabuting buhay, at inaasam na manirahan sa magandang kapaligiran, bukod pa sa mabigyan ng buong materyal na mundong nakikita, kailangan din silang mabigyan ng espirituwal na mundo, na hindi nakikita ninuman, na namamahala sa bawat nilalang na may buhay para sa kapakanan ng sangkatauhan, at maayos.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X

Ang mga kapalaran ng sangkatauhan at ng sansinukob ay malapit na nakaugnay sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, di-maihihiwalay sa mga pagsasaayos ng Lumikha; sa katapusan, ang mga ito ay hindi maaaring maihiwalay mula sa awtoridad ng Lumikha. Sa mga batas ng lahat ng bagay nagsisimulang maunawaan ng tao ang mga pagsasaayos ng Lumikha at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan; sa mga patakaran ng pananatiling buhay ng lahat ng bagay ay nararamdaman niya ang pamamahala ng Lumikha; sa mga kapalaran ng lahat ng bagay siya nakakakuha ng mga konklusyon tungkol sa mga paraan ng Lumikha ng paggamit ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at kontrol sa kanila; at sa mga siklo ng buhay ng mga tao at ng lahat ng bagay, tunay na nararanasan ng tao ang pagsasaayos at paghahanda ng Lumikha sa lahat ng bagay at mga nabubuhay na nilalang, upang masaksihan kung paano nangingibabaw ang mga pagsasaayos at paghahandang iyon sa lahat ng batas, patakaran, at institusyon sa lupa, at lahat ng iba pang kapangyarihan at puwersa. Dahil dito, napipilitan ang sangkatauhan na tanggapin na hindi maaaring labagin ng sinumang nilalang ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, na walang puwersa ang maaaring umagaw o bumago sa mga pangyayari at mga bagay na itinadhana ng Lumikha. Sa ilalim ng mga banal na batas at mga patakarang ito nabubuhay at nagpaparami ang mga tao at ang lahat ng bagay sa bawat salinlahi. Hindi ba ito ang tunay na sumasagisag sa awtoridad ng Lumikha?

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III

Sa sandaling isilang kang umiiyak sa mundong ito, sinisimulan mong gawin ang iyong tungkulin. Para sa plano ng Diyos at sa Kanyang ordinasyon, ginagampanan mo ang iyong papel at sinisimulan ang iyong paglalakbay sa buhay. Anuman ang iyong pinagmulan, at anumang paglalakbay ang nasa iyong harapan, walang makakaiwas sa mga pagsasaayos at plano ng Langit, at walang sinumang may kontrol sa sarili nilang tadhana, dahil Siya lamang na namumuno sa lahat ng bagay ang may kakayahang gawin iyon. Mula nang umiral ang tao, iyon na ang ginagawa ng Diyos, pinamamahalaan ang sansinukob, pinangangasiwaan ang mga panuntunan ng pagbabago para sa lahat ng bagay at kung paano gagalaw ang mga ito. Tulad ng lahat ng bagay, tahimik at hindi alam ng tao na pinalulusog siya ng tamis at ulan at hamog mula sa Diyos; tulad ng lahat ng bagay, hindi alam ng tao na nabubuhay siya sa ilalim ng pagsasaayos ng kamay ng Diyos. Ang puso’t espiritu ng tao ay nasa kamay ng Diyos, lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man dito o hindi, anuman at lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao

Nilikha ng Diyos ang mundong ito, nilikha Niya ang sangkatauhang ito, at bukod dito, Siya ang arkitekto ng sinaunang kulturang Griyego at sibilisasyon ng tao. Ang Diyos lamang ang umaaliw sa sangkatauhang ito, at ang Diyos lamang ang nagmamalasakit sa sangkatauhang ito gabi’t araw. Ang pag-unlad at paglago ng tao ay hindi mapaghihiwalay mula sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang kasaysayan at hinaharap ng sangkatauhan ay hindi mailalabas mula sa mga disenyo ng Diyos. Kung ikaw ay isang tunay na Kristiyano, ikaw ay tiyak na maniniwala na ang pagbangon at pagbagsak ng anumang bayan o bansa ay nangyayari ayon sa mga disenyo ng Diyos. Diyos lamang ang nakakaalam sa kapalaran ng isang bayan o bansa, at Diyos lamang ang namamahala sa landasin ng sangkatauhang ito. Kung ang sangkatauhan ay nais na magkaroon ng isang magandang kapalaran, kung ang isang bayan ay nais na magkaroon ng isang magandang kapalaran, ang tao ay dapat na yumuko sa Diyos sa pagsamba, magsisi at mangumpisal sa harap ng Diyos, at kung hindi, ang magiging kapalaran at hantungan ng tao ay isang hindi maiiwasang sakuna.

…………

Marahil ang iyong bayan ay kasalukuyang umuunlad, ngunit kung pinapayagan mo ang iyong mga tao na lumihis papalayo sa Diyos, matatagpuan ang iyong bayan na unti-unting pinagkakaitan ng mga pagpapala ng Diyos. Ang sibilisasyon ng iyong bayan ay lalong tatapak-tapakan, at hindi magtatagal ang mga tao ay titindig laban sa Diyos at susumpain ang Langit. Kung kaya’t, lingid sa kaalaman ng tao, ang kapalaran ng isang bayan ay mauuwi sa pagkawasak. Ang Diyos ay magbabangon ng mga makapangyarihang bayan upang harapin ang mga bayang naisumpa ng Diyos, at maaaring alisin pa nga ang mga ito sa ibabaw ng lupa. Ang pagbangon at pagbagsak ng isang bayan o bansa ay batay sa kung ang mga tagapamahala nito ay sumasamba sa Diyos, at kung inaakay nila ang kanilang mga tao na maging mas malapit sa Diyos at sambahin Siya. Gayunman, sa huling kapanahunang ito, dahil sa ang mga taong tunay na naghahangad at sumasamba sa Diyos ay mas lalong dumadalang, nagbibigay ang Diyos ng natatanging pabor sa mga bayan kung saan ang Kristiyanismo ay ang relihiyon ng estado. Tinitipon Niya ang mga bansang ito upang bumuo ng iilang matuwid na kampo sa mundo, habang ang mga bansang ateista at ang mga hindi sumasamba sa tunay na Diyos ay nagiging kalaban ng matuwid na kampo. Sa ganitong paraan, ang Diyos ay hindi lamang may isang lugar sa sangkatauhan kung saan Siya maaaring magsagawa ng Kanyang gawain, kundi may mga bayang nakakamtan na maaaring magpatupad ng matuwid na awtoridad, na magpapataw ng mga pagbabawal at paghihigpit sa mga bansang lumalaban sa Kanya. Ngunit sa kabila nito, wala pa ring mga tao na lumalapit upang sumamba sa Diyos, sapagkat ang tao ay lumihis nang napakalayo sa Kanya, at nakalimutan na ng tao ang Diyos sa loob ng matagal na panahon. Ang nanatili lamang sa lupa ay ang mga bayan na nagpapatupad ng katuwiran at lumalaban sa kawalan ng katuwiran. Ngunit ito ay malayo mula sa mga kagustuhan ng Diyos, sapagkat walang namumuno sa bayan ang papayagan ang Diyos na mamuno sa kanilang mga tao, at walang partidong pampulitika ang magtitipon ng kanyang mga tao upang sambahin ang Diyos; nawala ang Diyos sa Kanyang nararapat na lugar sa puso ng bawat bayan, bansa, namumunong partido, at maging sa puso ng bawat tao. Kahit na umiiral ang matuwid na pwersa sa mundong ito, ang pamunuan kung saan ang Diyos ay walang lugar sa puso ng tao ay marupok. Kung wala ang pagpapala ng Diyos, ang larangan ng politika ay babagsak sa kaguluhan at hindi makakaya ang isang hagupit. Para sa sangkatauhan, ang kawalan ng pagpapala ng Diyos ay katulad ng kawalan ng araw. Gaano man kasipag ang mga namumuno na gumawa ng mga kontribusyon sa kanilang mga tao, walang pag-aalintana na kahit gaano karaming matuwid na pagpupulong ang isagawa ng sangkatauhan nang sama-sama, wala sa mga ito ang babaligtad sa alon o babago sa kapalaran ng sangkatauhan. Naniniwala ang tao na ang isang bayan kung saan ang mga tao ay pinapakain at dinaramitan, kung saan sila ay magkakasamang nabubuhay nang matiwasay, ay isang mahusay na bayan, at may mabuting pamunuan. Subalit hindi ito ang palagay ng Diyos. Siya ay naniniwala na ang isang bayan kung saan walang sinuman ang sumasamba sa Kanya ay dapat Niyang lipulin. Ang paraan ng pag-iisip ng tao ay labis na sumasalungat sa paraan ng pag-iisip Diyos. Dahil dito, kung ang pinuno ng isang bansa ay hindi sumasamba sa Diyos, ang kapalaran ng bansang ito ay magiging isang trahedya, at ang bansa ay walang patutunguhan.

Hindi nakikibahagi ang Diyos sa pulitika ng tao, gayon pa man ang kapalaran ng isang bayan o bansa ay pinamamahalaan ng Diyos. Pinamamahalaan ng Diyos ang mundong ito at ang buong sansinukob. Ang kapalaran ng tao at ang plano ng Diyos ay may malapit na ugnayan, at walang tao, bayan o bansa ang hindi saklaw ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang tao ay nais na malaman ang kanyang kapalaran, dapat siyang humarap sa Diyos. Pasasaganain ng Diyos ang mga sumusunod at sumasamba sa Kanya, at Siya’y magdadala ng pagbagsak at pagkalipol sa mga taong lalaban at tatanggi sa Kanya.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman