Si Satanas ay isang nahulog na anghel na hindi kailanman kayang lumikha ng langit, lupa, at ng lahat ng bagay, at hindi kailanman maaaring makalampas sa awtoridad ng Diyos

Hulyo 9, 2021

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Bago umiral ang mundo, ang arkanghel ang pinakadakila sa mga anghel sa langit. Mayroon itong kapangyarihan sa lahat ng anghel sa langit; ito ang awtoridad na ibinigay rito ng Diyos. Maliban sa Diyos, ito ang pinakadakila sa mga anghel sa langit. Kalaunan, matapos likhain ng Diyos ang sangkatauhan, sa lupa naman ay nagsagawa ng mas malaki pang pagtataksil ang arkanghel laban sa Diyos. Sinasabi Ko na ipinagkanulo nito ang Diyos dahil nais nitong pamahalaan ang sangkatauhan at lampasan ang awtoridad ng Diyos. Ang arkanghel ang nanukso kay Eba na magkasala, at ginawa ito dahil nais nitong itatag ang kaharian nito sa lupa at patalikurin ang sangkatauhan sa Diyos at sa halip ay sundin nila ang arkanghel. Nakita ng arkanghel na maaari itong sundin ng napakaraming bagay—magagawa iyon ng mga anghel, gayundin ng mga tao sa ibabaw ng lupa. Ang mga ibon at hayop, mga puno, kagubatan, kabundukan, mga ilog, ang lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa ay nasa pangangalaga ng mga tao—ibig sabihin, nina Adan at Eba—samantalang sinunod nina Adan at Eba ang arkanghel. Sa gayon ay hinangad ng arkanghel na lampasan ang awtoridad ng Diyos at pagtaksilan ang Diyos. Pagkatapos niyon, pinamunuan nito ang maraming anghel na maghimagsik laban sa Diyos, na kalaunan ay naging iba’t ibang uri ng maruruming espiritu. Hindi ba sanhi ng katiwalian ng arkanghel ang pag-unlad ng sangkatauhan hanggang sa araw na ito? Naging ganito lamang ang sangkatauhan ngayon dahil pinagtaksilan ng arkanghel ang Diyos at ginawang tiwali ang sangkatauhan. Ang paisa-isang hakbang na gawaing ito ay hindi mahirap unawain at simple na katulad ng maaaring isipin ng tao. Isinagawa ni Satanas ang pagtataksil nito sa isang dahilan, subalit hindi naintindihan ng mga tao ang gayon kasimpleng bagay. Bakit ang Diyos, na lumikha ng langit at lupa at lahat ng bagay, ay nilikha rin si Satanas? Yamang labis na kinamumuhian ng Diyos si Satanas, at si Satanas ay Kanyang kaaway, bakit Niya nilikha si Satanas? Sa paglikha kay Satanas, hindi ba Siya lumikha ng isang kaaway? Hindi talaga lumikha ng isang kaaway ang Diyos; sa halip, lumikha Siya ng isang anghel, at kalaunan ay ipinagkanulo Siya ng anghel na iyon. Naging napakataas ng katayuan nito kaya ninais nitong ipagkanulo ang Diyos. Masasabi na nagkataon lamang ito, ngunit hindi rin ito maiiwasan. Kapareho ito ng paraan kung paanong hindi maiiwasang mamatay ang isang tao pagdating sa takdang gulang; sumasapit lamang talaga ang yugtong ito.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

Dahil ang mga anghel ay partikular na marupok at walang mga kakayahang masasabi, naging mayabang sila nang bigyan sila ng awtoridad. Lalo nang totoo ito sa arkanghel, na ang katayuan ay mas mataas kumpara sa iba pang anghel. Isang hari sa mga anghel, inakay nito ang milyun-milyon sa kanila, at sa ilalim ni Jehova, ang awtoridad nito ay nilampasan ang awtoridad ng sinumang iba pang mga anghel. Ninais nitong gawin ang iba’t ibang bagay, at akayin ang mga anghel pababa sa mga tao upang kontrolin ang mundo. Sinabi ng Diyos na Siya Yaong namamahala sa sansinukob; ngunit sinabi ng arkanghel na ito ang namamahala sa sansinukob—mula noon, ipinagkanulo ng arkanghel ang Diyos. Lumikha na ng isa pang mundo sa langit ang Diyos, at ninais ng arkanghel na kontrolin ang mundong ito at bumaba rin sa mortal na dako. Maaari ba itong payagan ng Diyos na gawin iyon? Sa gayon, hinampas Niya ang arkanghel at inihagis ito sa ere. Mula nang gawin nitong tiwali ang mga tao, nakidigma na ang Diyos sa arkanghel upang iligtas sila; nagamit Niya ang anim na libong taon na ito para talunin ito. Ang pagkaintindi ninyo sa Diyos na makapangyarihan sa lahat ay hindi nakaayon sa gawaing kasalukuyang ginagawa ng Diyos; talagang hindi ito praktikal, at malaking kamalian! Ang totoo, ipinahayag lamang ng Diyos na kaaway Niya ang arkanghel matapos itong magkanulo. Dahil lamang sa pagkakanulo nito kaya tinapakan ng arkanghel ang sangkatauhan matapos dumating sa mortal na dako, at dahil dito kaya umunlad na ang sangkatauhan sa puntong ito. Matapos mangyari iyan, sumumpa ang Diyos kay Satanas: “Tatalunin kita at ililigtas ko ang lahat ng taong Aking nilikha.” Hindi nakumbinsi noong una, sumagot si Satanas, “Ano ba talaga ang kaya Mong gawin sa akin? Talaga bang kaya Mo akong ihagis sa ere? Talaga bang kaya Mo akong talunin?” Matapos itong ihagis ng Diyos sa ere, hindi na Niya ito pinansin, at kalaunan ay sinimulang iligtas ang sangkatauhan at isagawa ang Kanyang sariling gawain sa kabila ng patuloy na mga panliligalig ni Satanas. Nagawa ni Satanas ang iba’t ibang bagay, ngunit dahil iyon lahat sa kapangyarihang dati nang ibinigay rito ng Diyos; dinala nito ang mga bagay na iyon sa ere, at naitago ang mga iyon hanggang sa araw na ito. Nang ihagis Niya ang arkanghel sa ere, hindi binawi ng Diyos ang awtoridad nito, kaya nga patuloy na ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Sa kabilang dako, nagsimula ang Diyos na iligtas ang sangkatauhan, na nagawang tiwali ni Satanas matapos silang likhain. Hindi ipinakita ng Diyos ang Kanyang mga kilos habang nasa langit; gayunman, bago nilikha ang mundo, pinayagan Niya ang mga tao sa mundong Kanyang nilikha sa langit na makita ang Kanyang mga gawa, sa gayon ay ginabayan ang mga taong iyon sa itaas ng langit. Binigyan Niya sila ng karunungan at katalinuhan, at inakay ang mga taong iyon na manirahan sa mundong iyon. Natural, walang isa man sa inyo ang nakarinig noon tungkol dito. Kalaunan, matapos likhain ng Diyos ang mga tao, sinimulan ng arkanghel na gawin silang tiwali; sa lupa, buong sangkatauhan ay nagkagulo. Noon lamang sinimulan ng Diyos ang Kanyang pakikidigma laban kay Satanas, at sa panahong ito lamang nagsimulang makita ng mga tao ang Kanyang mga gawa. Sa simula, ang gayong mga kilos ay naitago sa sangkatauhan. Matapos ihagis si Satanas sa ere, ginawa nito ang sarili nitong mga bagay at patuloy na ginawa ng Diyos ang Kanyang sariling gawain, patuloy na nakidigma laban kay Satanas, hanggang sa mga huling araw. Ngayon ang panahon kung kailan dapat lipulin si Satanas. Sa simula, binigyan ito ng Diyos ng awtoridad, at kalaunan ay inihagis Niya ito sa ere, subalit nanatili itong suwail. Pagkatapos niyon, ginawa nitong tiwali ang sangkatauhan sa lupa, ngunit naroon ang Diyos at namamahala sa sangkatauhan. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang pamamahala sa mga tao upang talunin si Satanas. Sa pagtitiwali sa mga tao, tinatapos ni Satanas ang kanilang kapalaran at ginagambala ang gawain ng Diyos. Sa kabilang dako, ang gawain ng Diyos ay ang pagliligtas sa sangkatauhan. Aling hakbang ng gawain ng Diyos ang hindi para iligtas ang sangkatauhan? Aling hakbang ang hindi para linisin ang mga tao, at pakilusin sila nang matuwid at mamuhay sa larawan ng mga taong maaaring mahalin? Gayunman, hindi ito ginagawa ni Satanas. Ginagawa nitong tiwali ang sangkatauhan; patuloy nitong isinasagawa ang gawain nitong gawing tiwali ang sangkatauhan sa buong sansinukob. Siyempre pa, ginagawa rin ng Diyos ang Kanyang sariling gawain, at hindi pinapansin si Satanas. Gaano man kalaki ang awtoridad ni Satanas, ang awtoridad na iyon ay bigay pa rin dito ng Diyos; hindi talaga basta ibinigay ng Diyos ang Kanyang buong awtoridad, kaya nga anuman ang gawin ni Satanas, hindi nito kayang lampasan ang Diyos at palagi itong magiging nasa mga kamay ng Diyos. Hindi ipinakita ng Diyos ang anuman sa Kanyang mga kilos habang nasa langit. Binigyan lamang Niya si Satanas ng maliit na bahagi ng awtoridad at tinulutan itong magkaroon ng kontrol sa iba pang mga anghel. Samakatuwid, anuman ang gawin ni Satanas, hindi nito kayang lampasan ang awtoridad ng Diyos, dahil ang awtoridad na orihinal na ipinagkaloob dito ng Diyos ay limitado. Habang gumagawa ang Diyos, nanggagambala si Satanas. Sa mga huling araw, ang mga paggambala nito ay matatapos; matatapos din ang gawain ng Diyos, at ang uri ng mga taong nais gawing ganap ng Diyos ay makukumpleto. Pinapatnubayan ng Diyos ang mga tao nang positibo; ang Kanyang buhay ay tubig na buhay, hindi masusukat at walang hangganan. Nagawang tiwali ni Satanas ang tao kahit paano; sa huli, gagawing ganap ng tubig na buhay ng buhay ang tao, at magiging imposibleng makialam at magsagawa si Satanas ng gawain nito. Sa gayon, lubos na maaangkin ng Diyos ang mga taong ito. Kahit ngayon, ayaw pa rin itong tanggapin ni Satanas; patuloy nitong inilalaban ang sarili sa Diyos, ngunit hindi Niya ito pinapansin. Sabi ng Diyos, “Magiging matagumpay Ako laban sa lahat ng puwersa ng kadiliman ni Satanas at laban sa lahat ng impluwensya ng kadiliman.” Ito ang gawaing kailangang isagawa ngayon sa katawang-tao, at ito rin ang dahilan kaya makabuluhan ang maging tao: ibig sabihin, upang tapusin ang yugto ng gawaing talunin si Satanas sa mga huling araw, at lipulin ang lahat ng bagay na pag-aari ni Satanas. Hindi maiiwasan ang tagumpay ng Diyos laban kay Satanas! Ang totoo, matagal nang nabigo si Satanas. Nang magsimulang lumaganap ang ebanghelyo sa buong lupain ng malaking pulang dragon—ibig sabihin, nang simulan ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain at pagalawin ang gawaing ito—lubos na natalo si Satanas, sapagkat ang pinaka-layunin ng pagkakatawang-tao ay upang lupigin si Satanas. Nang makita ni Satanas na minsan pang naging tao ang Diyos at nagsimulang magsagawa ng Kanyang gawain, na hindi mapigil ng anumang puwersa, sa gayon ay natulala ito nang makita ang gawaing ito, at hindi nangahas na gumawa ng anumang iba pang kalokohan. Noong una, akala ni Satanas ay pinagkalooban din ito ng maraming karunungan, at ginambala at niligalig nito ang gawain ng Diyos; gayunman, hindi nito inasahan na minsan pang magiging tao ang Diyos, o na sa Kanyang gawain, gagamitin ng Diyos ang pagkasuwail ni Satanas upang magsilbing isang paghahayag at paghatol sa sangkatauhan, nang sa gayon ay malupig ang mga tao at matalo si Satanas. Mas matalino ang Diyos kaysa kay Satanas, at ang Kanyang gawain ay higit pa kaysa rito. Kaya nga, isinaad Ko na dati, “Ang gawaing Aking ginagawa ay isinasagawa bilang tugon sa mga pandaraya ni Satanas; sa huli, ipapakita Ko ang Aking pagiging makapangyarihan sa lahat at ang kawalan ng kapangyarihan ni Satanas.” Gagawin ng Diyos ang Kanyang gawain sa unahan, samantalang bubuntot naman si Satanas sa likuran, hanggang ito, sa huli, ay tuluyang mawasak—ni hindi nito malalaman kung ano ang tumama rito! Matatanto lamang nito ang katotohanan kapag nadurog at nadikdik na ito, at sa oras na iyon, nasunog na ito sa lawa ng apoy. Hindi ba lubos na itong makukumbinsi sa oras na iyon? Sapagkat wala nang magagamit na mga pakana si Satanas sa oras na iyon!

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

Ang espesyal na pagkakakilanlan ni Satanas ay nagsanhi na sa maraming tao na magpakita ng matinding interes sa mga pagpapamalas nito sa iba’t ibang aspeto. Marami pa ngang mga hangal na tao ang naniniwala na, tulad ng Diyos, nagtataglay rin si Satanas ng awtoridad, dahil may kakayahan si Satanas na magpakita ng mga himala, at may kakayahang gumawa ng mga bagay na imposible sa sangkatauhan. At kaya, bukod sa pagsamba sa Diyos, naglalaan din ang sangkatauhan ng lugar sa kanyang puso para kay Satanas, at sinasamba pa si Satanas bilang Diyos. Parehong kaawa-awa at kasuklam-suklam ang mga taong ito. Kaawa-awa sila dahil sa kanilang kamangmangan, at kasuklam-suklam dahil sa kanilang maling pananampalataya at likas na masamang kakanyahan. Sa puntong ito, pakiramdam Ko ay kailangang ipaalam sa inyo kung ano ang awtoridad, ano ang isinasagisag nito, at kung ano ang kinakatawan nito. Sa pangkalahatang pananalita, ang Diyos Mismo ay awtoridad, isinasagisag ng Kanyang awtoridad ang kataas-taasang kapangyarihan at diwa ng Diyos, at ang awtoridad ng Diyos Mismo ay kumakatawan sa katayuan at pagkakakilanlan ng Diyos. Yamang ito ang sitwasyon, nangangahas ba si Satanas na sabihin na ito mismo ay Diyos? Nangangahas ba si Satanas na sabihin na ito ang lumikha ng lahat ng bagay, at humahawak ng kataas-taasang kapangyarihang maghari sa lahat ng bagay? Siyempre hindi! Dahil wala itong kakayahan na likhain ang lahat ng bagay; hanggang ngayon, hindi kailanman ito nakagawa ng anumang bagay na nilikha ng Diyos, at hindi kailanman nakalikha ng anumang bagay na may buhay. Dahil wala itong awtoridad ng Diyos, hindi ito kailanman maaaring magtaglay ng katayuan at pagkakakilanlan ng Diyos, at ito ay nalalaman sa pamamagitan ng diwa nito. Mayroon ba itong kaparehong kapangyarihan tulad ng sa Diyos? Siyempre wala! Ano ang tawag natin sa mga kilos ni Satanas, at sa mga himalang ipinakikita ni Satanas? Kapangyarihan ba ito? Maaari ba itong matawag na awtoridad? Siyempre hindi! Pinamamahalaan ni Satanas ang agos ng kasamaan, at sinisira, pinipinsala, at ginagambala ang bawat aspeto ng gawain ng Diyos. Sa nakaraang ilang libong taon, bukod sa pagtiwali at pang-aabuso sa sangkatauhan, at pang-aakit at panlilinlang sa tao sa kasamaan, at sa pagtanggi sa Diyos para maglakad ang tao patungo sa lambak ng anino ng kamatayan, nakagawa na ba ng anumang bagay si Satanas na karapat-dapat sa kahit katiting na pag-alala, papuri, o pagtatangi ng tao? Kung nagtaglay ng awtoridad at kapangyarihan si Satanas, magagawang tiwali kaya nito ang sangkatauhan? Kung nagtaglay ng awtoridad at kapangyarihan si Satanas, mapipinsala kaya nito ang sangkatauhan? Kung nagtaglay ng kapangyarihan at awtoridad si Satanas, matatalikuran kaya ng sangkatauhan ang Diyos at mapapaharap na sa kamatayan? Yamang walang awtoridad at kapangyarihan si Satanas, ano ang maaari nating pagtibayin tungkol sa diwa ng lahat ng ginagawa nito? Mayroong mga nagpapakahulugan sa lahat ng ginagawa ni Satanas bilang panlilinlang lamang, ngunit naniniwala Ako na hindi masyadong naaangkop ang gayong pakahulugan. Ang masasama ba nitong gawa ng katiwalian sa sangkatauhan ay panlilinlang lamang? Ang masamang kapangyarihan na ginamit ni Satanas para abusuhin si Job, at ang mabagsik na pagnanasa nito na abusuhin at lamunin siya, ay hindi makakamit ng panlilinlang lamang. Sa pagbabalik-tanaw, sa isang iglap, ang mga kawan at mga bakahan ni Job, na nakakalat nang malayo at malawak sa buong kaburulan at kabundukan, ay nawala; sa isang iglap, nawala ang malaking kayamanan ni Job. Kaya ba iyong makamit ng panlilinlang lamang? Ang kalikasan ng lahat ng ginagawa ni Satanas ay tumutugon at akma sa mga negatibong termino gaya ng para maminsala, para manggambala, para manira, para manakit, kasamaan, paghahangad ng masama, at kadiliman, at kaya ang pangyayari ng lahat ng hindi matuwid at masama ay mahigpit na nakadikit sa mga gawa ni Satanas, at hindi maihihiwalay sa masamang diwa ni Satanas. Kahit gaano pa “kalakas” si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana niya sa pananakot ng tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman naghari o kumontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang sumailalim sa pamamahala ng Diyos, kundi, higit pa rito ay kailangang sumunod sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa—lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa si Satanas sa mga liryo ng kabundukan, sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid, sa mga isda sa karagatan, at sa mga uod sa lupa. Ang papel nito sa lahat ng bagay ay para pagsilbihan ang lahat ng bagay, at gumawa para sa sangkatauhan, at pagsilbihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala. Kahit gaano pa kasama ang hangarin ng kalikasan nito, at gaano man kasama ang diwa nito, ang tanging bagay na magagawa nito ay ang tapat na gawin ang tungkulin nito: ang magsilbi sa Diyos, at ang salungatin ang Diyos. Ito ang diwa at kinatatayuan ni Satanas. Ang diwa nito ay hindi kaugnay sa buhay, hindi kaugnay sa kapangyarihan, hindi kaugnay sa awtoridad; laruan lamang ito sa mga kamay ng Diyos, isa lang makina na nagsisilbi sa Diyos!

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

Si Satanas ay hindi kailanman nangahas na suwayin ang awtoridad ng Diyos, at higit pa rito ay laging maingat na nakinig at sumunod sa mga atas at partikular na kautusan ng Diyos, hindi kailanman nangangahas na labagin ang mga ito, at siyempre, hindi nangangahas na malayang baguhin ang anuman sa mga atas ng Diyos. Gayon ang mga hangganan na naitalaga na ng Diyos kay Satanas, at kaya hindi kailanman nangahas si Satanas na lumampas sa mga hangganang ito. Hindi ba ito ang kapangyarihan ng awtoridad ng Diyos? Hindi ba ito patotoo sa awtoridad ng Diyos? May mas malinaw na pagkaunawa si Satanas kaysa sa sangkatauhan kung paano kumilos tungo sa Diyos, at kung paano tingnan ang Diyos, at kaya, sa espirituwal na daigdig, napakalinaw na nakikita ni Satanas ang katayuan at awtoridad ng Diyos, at may malalim na pagpapahalaga sa kapangyarihan ng awtoridad ng Diyos at sa mga prinsipyo sa likod ng pag-uunat ng Kanyang awtoridad. Hindi nito pinangangahasan, ni minsan, na hindi pansinin ang mga ito, ni hindi ito nangangahas na labagin ang mga ito sa anumang paraan, o gawin ang anumang bagay na sumusuway sa awtoridad ng Diyos, at hindi ito nangangahas na hamunin ang poot ng Diyos sa anumang paraan. Bagama’t likas na masama at mapagmataas ito, hindi kailanman nangahas si Satanas na lumampas sa mga hangganan at limitasyon na itinalaga para dito ng Diyos. Sa milyun-milyong taon, ito’y mahigpit na sumunod sa mga hangganang ito, sumunod sa bawat kautusan at atas na ibinigay rito ng Diyos, at hindi kailanman nangahas na lampasan ang limitasyon. Kahit masama ang hangarin nito, di-hamak na mas matalino si Satanas kaysa sa tiwaling sangkatauhan; alam nito ang pagkakakilanlan ng Lumikha, at alam nito ang sarili nitong hangganan. Mula sa mga “mapagpasakop” na kilos ni Satanas, makikita na ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay mga kautusan ng kalangitan na hindi malalabag ni Satanas, at dahil mismo sa pagiging natatangi at awtoridad ng Diyos kaya ang lahat ng bagay ay nagbabago at dumadami sa isang maayos na paraan, kaya nabubuhay ang sangkatauhan at dumarami alinsunod sa landas na itinatag ng Diyos, at walang tao o bagay ang may kakayahang guluhin ang kaayusang ito, at walang tao o bagay ang may kakayahang baguhin ang batas na ito—dahil ang lahat ng iyon ay galing sa mga kamay ng Lumikha, at mula sa atas at awtoridad ng Lumikha.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

Kahit na tinitingnan ni Satanas si Job nang may inggit sa mga mata, hindi ito nangahas na hipuin ni isang buhok sa katawan ni Job nang walang pahintulot ng Diyos. Kahit pa likas na masama at malupit si Satanas, matapos ibaba ng Diyos ang Kanyang utos dito, wala nang nagawa si Satanas kundi sumunod sa kautusan ng Diyos. Samakatuwid, kahit na si Satanas ay kasing-ulol ng isang lobo sa gitna ng mga tupa, pagdating kay Job, hindi nito tinangkang kalimutan ang mga hangganan na itinakda ng Diyos para dito, hindi ito nangahas na labagin ang mga atas ng Diyos, at sa lahat ng ginawa nito, hindi nangahas na lumihis si Satanas mula sa mga prinsipyo at hangganan ng mga salita ng Diyos—hindi ba ito isang katotohanan? Mula rito ay makikita na hindi nangangahas si Satanas na salungatin ang anumang mga salita ng Diyos na si Jehova. Para kay Satanas, ang bawat salita mula sa bibig ng Diyos ay isang utos at isang batas ng kalangitan, isang pagpapahayag ng awtoridad ng Diyos—dahil sa likod ng bawat salita ng Diyos ay ipinahihiwatig ang kaparusahan ng Diyos para sa mga lumalabag sa mga utos ng Diyos, at sa mga sumusuway at sumasalungat sa mga batas ng kalangitan. Malinaw na alam ni Satanas na kapag nilabag nito ang mga utos ng Diyos, kung gayon ay kailangan nitong tanggapin ang mga bunga ng paglabag sa awtoridad ng Diyos at pagsalungat sa mga kautusan ng kalangitan. Ano ba ang mga kahihinatnang ito? Hindi na kailangang sabihin, ang mga iyon ay ang kaparusahan ng Diyos dito. Ang mga pagkilos ni Satanas tungo kay Job ay isang maliit na paglalarawan lamang ng katiwalian nito sa tao, at nang isinakatuparan ni Satanas ang mga pagkilos na ito, ang mga itinakdang hangganan ng Diyos at ang Kanyang ibinabang mga utos kay Satanas ay isang maliit na paglalarawan lamang ng mga prinsipyo sa likod ng lahat ng ginagawa nito. Dagdag pa rito, ang tungkulin at papel ni Satanas sa bagay na ito ay isang maliit na paglalarawan lamang ng tungkulin at papel nito sa gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang lubos na pagsunod ni Satanas sa Diyos sa panunukso nito kay Job ay isang maliit na paglalarawan lamang kung paanong hindi nangahas si Satanas na kumontra nang kahit kaunti sa Diyos sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Anong babala ang ibinibigay ng maliliit na paglalarawang ito sa inyo? Sa lahat ng bagay, kasama na si Satanas, walang tao o bagay ang makakalabag sa mga batas ng kalangitan at mga utos na itinakda ng Lumikha, at walang tao o bagay ang nangangahas na labagin ang mga batas at utos ng kalangitan na ito, dahil walang tao o bagay ang maaaring bumago o tumakas mula sa kaparusahan na ipinapataw ng Lumikha sa mga sumusuway sa mga ito. Tanging ang Lumikha lamang ang makakapagtatag ng mga batas at mga utos ng kalangitan, tanging ang Lumikha lamang ang may kapangyarihan na ipatupad ang mga ito, at tanging ang kapangyarihan lamang ng Lumikha ang hindi malalabag ng sinumang tao o bagay. Ito ang natatanging awtoridad ng Lumikha, at kataas-taasan ang awtoridad na ito sa lahat ng bagay, at kaya imposibleng sabihin na “ang Diyos ang pinakadakila at pangalawa si Satanas.” Maliban sa Lumikha na nagtataglay ng natatanging awtoridad, wala nang iba pang Diyos!

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

Bagama’t ang mga kasanayan at kakayahan ni Satanas ay mas matindi kaysa roon sa tao, bagama’t makakagawa ito ng maraming bagay na hindi kayang maabot ng tao, kung iyo mang kinaiinggitan o hinahangad ang ginagawa ni Satanas, kung iyo mang kinamumuhian o kinasusuklaman ang mga bagay na ito, kung may kakayahan ka man o wala na makita ang mga iyon, at gaano man kalaki ang kayang maisakatuparan ni Satanas, o kung gaano man karaming tao ang malilinlang nito na sambahin ito at ilagay ito sa dambana, at kung paano mo man ito bigyang-kahulugan, hindi mo maaaring sabihin na ito’y mayroong awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Kailangan mong malaman na ang Diyos ay Diyos, may nag-iisang Diyos lamang, at higit pa rito, kailangan mong malaman na Diyos lamang ang may awtoridad, na ang Diyos lamang ang may kapangyarihan na kontrolin at pamunuan ang lahat ng bagay. Dahil lamang sa may kakayahan si Satanas na manlinlang ng mga tao at may kakayahang gayahin ang Diyos, gayahin ang mga tanda at mga himala na ginawa ng Diyos, at nakagawa na ng mga parehong bagay gaya ng Diyos, nagkakamali ka sa paniniwala na hindi natatangi ang Diyos, na maraming Diyos, na ang iba’t ibang Diyos na ito ay mayroon lamang mas matindi o mas maliit na kakayahan, at mayroong mga pagkakaiba sa lawak ng kapangyarihan na kanilang hawak. Pinagsusunud-sunod mo ang kanilang kadakilaan ayon sa kanilang pagdating at ayon sa kanilang edad, at nagkakamali ka sa paniniwala na may iba pang mga diyos bukod sa Diyos, at iniisip na ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay hindi natatangi. Kung mayroon kang gayong mga ideya, kung hindi mo kinikilala ang pagiging natatangi ng Diyos, kung hindi ka naniniwala na tanging ang Diyos ang nagtataglay ng awtoridad, at kung sumusunod ka lamang sa politeismo, kung gayon sinasabi Ko na ikaw ang dumi ng mga nilalang, ikaw ang tunay na pagsasakatawan ni Satanas, at lubos na ikaw ay masamang tao! Naiintindihan ba ninyo kung ano ang sinusubukan Kong ituro sa inyo sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga salitang ito? Kahit ano pa ang panahon, lugar, o iyong pinagmulan, hindi ka dapat malito sa pagitan ng Diyos at ng anumang iba pang tao, bagay, o layon. Kung sa pakiramdam mo man ay hindi kayang makilala at hindi malapitan ang awtoridad ng Diyos at ang diwa ng Diyos Mismo, kahit gaano pa umaayon sa iyong kuru-kuro at imahinasyon ang mga gawa at salita ni Satanas, kahit gaano pa nagbibigay-kasiyahan ang mga iyon sa iyo, huwag maging hangal, huwag malito sa mga konseptong ito, huwag itanggi ang pag-iral ng Diyos, huwag itanggi ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, huwag itulak ang Diyos sa labas ng pinto at ipasok si Satanas para palitan ang Diyos sa loob ng iyong puso at gawing Diyos mo. Wala Akong alinlangan na kaya ninyong isipin ang mga kalalabasan ng paggawa nito!

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply