Paghatol ang Susi sa Kaharian ng Langit

Setyembre 28, 2020

NI Zheng Lu, Tsina

Isinilang ako sa isang pamilyang Kristiyano. Palaging sinasabi ng tatay ko noon, “Sa paniniwala sa Panginoon, pinapatawad ang mga kasalanan natin at hindi na tayo makasalanan, at pagdating ng Panginoon, dadalhin Niya tayo sa kaharian ng langit, dahil sabi sa Biblia, ‘Sapagka’t ang tao’y nanampalataya ng puso sa ikatutuwid; at ginagawa sa pamamagitan ng bibig ang pagpapahayag sa ikaliligtas’ (Roma 10:10).” Kaya sa loob ng maraming taon naniwala ako na iniligtas ako at ginawang matuwid ng aking pananampalataya at na mapupunta ako sa langit. Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Panginoong Jesus na nagsasabing: “Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, ‘Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anumang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit’(Mateo 18:3). “Hindi ang bawa’t nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit(Mateo 7:21). Naguluhan talaga ako doon. Sabi ng Panginoon, ang gumagawa lang ng kalooban ng Ama ang mapupunta sa langit, at huwag tayong magalit o mainggit sa iba, sa halip ay mahalin ang isa’t isa. Alam kong hindi ko ito nagagawa. Nagsinungaling at nandaya ako para sa sarili kong interes at wala akong tiyaga sa mga kapatid. Hindi ko kayang mahalin ang iba gaya ng pagmamahal ko sa sarili ko. Kapag nagkakaproblema, sinisisi ko ang Diyos. Hindi ko totoong minahal ang Diyos. Hindi ko masunod ang mga utos ng Panginoon at ang kalooban ng Diyos. Paano ako makakapasok sa langit? Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Kayo nga’y magpakabanal, sapagka’t Ako’y banal(Levitico 11:45). Lagi akong nagkakasala at nangungumpisal, pero makasalanan pa rin. Dadalhin ba ako ng Panginoon sa langit pagdating Niya? Pinag-aralan ko ang Biblia para alamin ang lahat ng ito. Paulit-ulit ko itong binasa, pero wala akong makitang paraan para maalisan ng kasalanan. Naisip ko ang sinabi ni Pablo: “Abang tao ako! Sino ang magliligtas sa akin sa katawan nitong kamatayan?” (Roma 7:24). Kahit si Pablo hindi ito mahanap, ako pa kaya? Tumatanda na ako at halos buong buhay ko ay isa akong mananampalataya, pero ‘di pa rin ako siguradong makakapasok ako sa langit. Pakiramdam ko, kaawa-awa ako at naliligaw. Gustung-gusto kong mahanap ang daan papuntang langit at sa wakas ay makita nang payapa ang Panginoon. Kaya nagsimula akong bisitahin ang mga kilalang nakatatandang Kristiyano saan man sila naroon, pero hindi rin nila ako matulungan. Dumalo ako sa mga pagtitipon ng ibang mga denominasyon pero walang bago sa mga sinasabi nila, puro tungkol pa rin sa pagiging nagawang matuwid at naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya. Labis akong nadismaya.

Sa ‘di inaasahang pagkakataon, nagsimula akong mag-aral sa isang seminaryong pinamamahalaan ng mga dayuhan. Akala ko maganda ang mga sermon ng mga dayuhan, at sigurado akong makakahanap ako ng mga sagot doon. Puno ng pananampalataya akong nag-aral doon nang mahigit dalawang buwan. Ang nakakalungkot, binabasa lang ng pastor sa aklat ang mga leksyon n’ya tungkol sa kasaysayan ng simbahan, buhay ni Jesus, mga buod ng Bago at Lumang Tipan, at iba pa. Hindi n’ya binanggit kahit kailan ang paraan ng pamumuhay. Isang gabi pagkahapunan, tinanong ko ang pastor, “Pwede mo bang sabihin sa amin ang tungkol sa paraan ng pamumuhay?” Sabi niya, “Iyan mismo ang itinuturo namin dito. Kami ang pinakamalaking samahang pangrelihiyon sa mundo, kinikilala ng iba’t ibang bansa. Pagkatapos ng tatlong taon, tatanggap ka ng international pastor’s certificate. Pagkatapos noon, maipapangaral mo na ang ebanghelyo at makakapagtatag ka na ng simbahan saan man sa mundo.” Para sa ‘kin, nakakadismaya ‘to. Ayokong maging pastor. Gusto ko lang malaman kung paano makakapasok sa langit. Kaya nagtanong ako, “Kung magaling ‘yang certificate na ‘yan, magagamit ko ba ‘yan para makapasok sa langit?” Hindi sumagot ang pastor. Ipinagpatuloy ko ang pagtatanong, “Balita ko ilang dekada ka nang nananalig. Naligtas ka na ba? Makakapasok ka ba sa langit?” Buong kumpiyansa niyang sinabi, “Syempre! Sigurado akong makakapasok ako sa langit.” Kaya tinanong ko siya, “Ano’ng basehan mo sa sinabi mo? Mahal mo ba ang iba gaya ng pagmamahal mo sa sarili mo? Wala ka na bang kasalanan at isa ka nang banal? Naging tulad ka ba ng isang musmos? Hindi natin maiwasang palaging magkasala at sumuway sa mga turo ng Panginoon. Nagkakasala tayo sa umaga at nangungumpisal sa gabi. Ang Diyos ay banal. Ibig mo bang sabihin, makakapasok ang makasalanang tulad natin sa kaharian ng langit?” Matapos kong itanong ang mga ito, namula ang mukha niya at hindi siya nagsalita. Nadismaya ako. Umalis ako sa seminaryo at umuwi.

Habang papauwi, nanlulumo ako at parang gumuho ang huling pag-asa ko. Hindi ko alam kung saan hahanapin ang daan patungo sa langit. Naisip ko ang mukha ng aking tatay na puno ng luha. Buong buhay niyang ipinangaral na gagawin tayong matuwid ng pananampalataya at na mapupunta tayo sa langit kapag namatay na tayo, pero namatay siyang may pagsisisi. Buong buhay ko, naniwala ako sa Panginoon at araw-araw na sinabi sa mga tao na mapupunta sila sa langit kapag namatay sila. Pero ngayon hindi ako sigurado kung paano makapasok sa kaharian ng langit. Matutulad ba ako sa tatay ko, na namatay nang may pagsisisi? Naisip ko bigla ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y pagbubuksan(Mateo 7:7). “Matapat ang Panginoon,” naisip ko. “Hindi ako pwedeng sumuko! Hangga’t may hininga pa ako, patuloy kong hahanapin ang daan papunta sa langit.” Nagdasal ako sa Panginoon: “Mahal kong Panginoon, kung saan-saan ko na hinanap ang paraan para maalisan ng kasalanan at makapasok sa langit at walang makatulong sa ‘kin. O Panginoon, ano ang dapat kong gawin? Araw-araw akong nangangaral sa mga tao na manatiling matatag sa kanilang pananampalataya at magtiis hanggang wakas para makapasok sa langit. Pero ngayon, kahit ako, hindi ko alam kung paano maalis ang kasalanan at makapasok sa langit. Hindi ba’t ako ang bulag na umaakay sa bulag, at sa hukay sila dinadala? O Panginoon! Saan ko mahahanap ang daan papunta sa langit? Gabayan Mo po ako.”

Pag-uwi ko, nabalitaan ko na maraming mabubuting miyembro at lider ng mga simbahan ang sumapi na sa Kidlat ng Silanganan. Sabi ng mga tao, maganda raw ang mga sermon nila, na may bagong liwanag sila, at napahanga pa ang ilang mga pastor. Naisip ko, “Bakit wala pa akong nakilalang sinuman mula sa Kidlat ng Silanganan? Magandang makausap sila minsan! Kailangan kong maghanap kasama nila at alamin kung bakit napakaganda ng mga sermon nila at kung malulutas nila ang problema ko.”

Isang araw, pinuntahan ako ni Brother Wang na mula sa iglesia ko, bibisita raw ang dalawang kamag-anak niya na naniniwala sa Makapangyarihang Diyos at inimbita niya akong pumunta. Tuwang-tuwa ako nang marinig ito at nagpunta kami agad sa bahay niya. Nagpakilala kami at sinabi ko sa kanila ang problema ko. Sabi ko, “Ang paniwala ko noon pa, kapag bininyagan ka e ligtas ka na, na ang buong-pusong paniniwala at pangungumpisal gamit ang ating mga bibig ay nangangahulugang gagawin tayong matuwid ng ating pananampalataya, at pagdating ng Panginoon, iaakyat Niya tayo sa langit. Pero nitong mga nakaraang taon, hindi ako sigurado kung makakapasok ba ako sa langit o hindi. Tingin ko’y hindi gano’n kasimple iyon. Sabi sa Biblia: ‘Ang pagpapakabanal na kung wala ito’y sinoman ay di makakakita sa Panginoon’ (Mga Hebreo 12:14). Ako mismo at ang mga kapatid sa iglesia ay madalas magkasala at sa tingin ko, hindi makakapasok sa langit ang mga tulad naming makasalanan. Gusto kong malaman kung paano talaga tayo makakapasok sa kaharian ng langit. Mababahaginan n’yo ba ‘ko tungkol dito?”

Nakangiting sinabi ni Sister Zhou, “Ang makapasok sa kaharian ng langit ay napakahalaga sa bawat Kristiyano. Sa bagay na ito, malinaw na sinabi sa atin ng Panginoong Jesus: ‘Hindi ang bawa’t nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit(Mateo 7:21). Napakalinaw ng sinabi ng Panginoon. Ang mga nagsasagawa lamang ng Kanyang mga salita at ginagawa ang kalooban ng Diyos ang makakapasok sa kaharian ng langit. Hindi kailanman sinabi ng Panginoon na kapag minsan tayong naligtas ay ligtas na tayo magpakailanman, o na gagawin tayong matuwid ng ating pananampalataya, kaya makakapasok tayo sa Kanyang kaharian. Na gagawin tayong matuwid ng pananampalataya ay isang bagay na naisip ni Pablo. Isa lamang siyang apostol, isang tiwaling tao. Hindi siya si Cristo, ang mga salita niya ay hindi mga salita ni Cristo. Hindi natin maaasahan ang mga salita niya para makapasok sa langit. Si Jesus lamang ang Panginoon at Hari ng kaharian ng langit. Ang mga salita lang Niya ang may awtoridad at ang katotohanan. Ang mga pagkaunawa ng tao ay hindi katotohanan at hindi maitatakda ng mga ito ang mga pamantayan para makapasok sa Kanyang kaharian. Mga salita lang ng Panginoon ang maaasahan natin dito. Hindi ang mga salita ni Pablo, at iyan ang totoo.” Binasa sa amin ni Sister Zhou ang ilang sipi ng Makapangyarihang Diyos tungkol sa kahulugan ng pagiging nagawang matuwid at pagliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at kung ang pagkakaligtas ba ay nangangahulugang makakapasok ka na sa langit. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa panahong iyon, ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan. Ang mga kasalanan ng lahat ng naniwala sa Kanya ay pinatawad; basta’t ikaw ay naniniwala sa Kanya, ikaw ay Kanyang tutubusin; kung ikaw ay naniniwala sa Kanya, wala ka na sa pagkakasala, ikaw ay pinawalang-sala na sa iyong mga kasalanan. Ito ang kahulugan ng maligtas, at mapawalang-sala ng pananampalataya. Ngunit sa mga naniwala, mayroon pa ring nanatiling mga mapanghimagsik at sumalungat sa Diyos, at kailangan pa ring dahan-dahang alisin. Ang kaligtasan ay hindi nangahulugan na ang tao ay lubusan nang nakamit ni Jesus, kundi na ang tao ay wala na sa kasalanan, na siya ay pinatawad na sa kanyang mga kasalanan. Basta’t ikaw ay naniniwala, hindi ka na kailanman nasa kasalanan pa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 2). “Ang alam mo lang ay bababa si Jesus sa mga huling araw, ngunit paano ba talaga Siya bababa? Ang isang makasalanang tulad mo, na katutubos pa lang, at hindi pa nabago, o nagawang perpekto ng Diyos, makakaayon ka ba ng puso ng Diyos? Para sa iyo, na ang dating ikaw pa rin, totoo na ikaw ay iniligtas ni Jesus, at na ikaw ay hindi itinuturing na isang makasalanan dahil sa pagliligtas ng Diyos, ngunit hindi ito nagpapatunay na ikaw ay hindi makasalanan, at hindi marumi. Paano ka magiging banal kung hindi ka pa nababago? Sa iyong kalooban, puno ka ng karumihan, sakim ka at masama, ngunit ninanais mo pa ring bumaba na kasama ni Jesus—hindi ka ganoon kasuwerte! Nalaktawan mo ang isang hakbang sa iyong pananalig sa Diyos: Natubos ka pa lang, ngunit hindi pa nabago. Para maging kaayon ka ng puso ng Diyos, kailangang ang Diyos Mismo ang gumawa ng gawain ng pagbabago at paglilinis sa iyo; kung ikaw ay tinubos lamang, wala kang kakayahang magtamo ng kabanalan. Dahil dito hindi ka magiging karapat-dapat na makibahagi sa magagandang biyaya ng Diyos, dahil nalaktawan mo ang isang hakbang sa gawain ng Diyos na pamamahala sa tao, na isang mahalagang hakbang sa pagbabago at pagperpekto. Kaya ikaw, na isang makasalanang katutubos pa lang, ay walang kakayahang direktang manahin ang pamana ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan). “Bagama’t maraming gawaing ginawa si Jesus sa tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog dahil sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya nga, ngayong napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita).

Pagkatapos ay nagbahagi si Sister Wang. Ang sabi niya, “Sa bandang dulo ng Kapanahunan ng Kautusan, lalo’t lalong ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at lalo’t lalong nagkakasala ang mga tao. Nanganganib ang lahat ng tao na mahatulan ng kamatayan ayon sa batas. Kaya ginawa ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos sa Kapanahunan ng Biyaya at sa pagkapako sa krus, Siya ay naging handog para sa kasalanan ng tao at pinatawad Niya ang mga kasalanan ng tao. Noon, kailangan lang nating maniwala sa Panginoon, mangumpisal at magsisi sa Kanya, at napatawad na ang ating mga kasalanan at matatamasa na natin ang biyayang ipinagkaloob Niya sa atin. Iyan ang kaligtasan para sa mga tao na nabubuhay sa ilalim ng batas. Ang ‘kaligtasang’ ito ay nangangahulugan ng pagiging malaya mula sa pagkondena at pagsumpa ng batas, at hindi na muling mapaparusahan dahil dito. Ito ang ibig sabihin ng ‘pagkakaligtas dahil sa pananampalataya.’ Ang magawang matuwid ng pananampalataya ay hindi nangangahulugang matuwid na tayo. Ang magawang matuwid at mailigtas ng pananampalataya ay hindi nangangahulugang wala tayong kasalanan, na tayo ay dalisay at ganap nang naligtas, o na makakapasok na tayo sa langit. Bagama’t napatawad na ang mga kasalanan natin, ang ating makasalanang kalikasan at napakasasamang disposisyon ay malalim pa ring nakaugat sa atin. Puwede pa rin tayong magsinungaling, mandaya, mainggit at magalit sa iba, at madalas tayong nagkakasala at lumalaban sa Diyos. Paanong ang mga taong tulad natin na puno ng napakasamang disposisyon, na sumusuway at lumalaban sa Diyos ay makakapasok kailanman sa kaharian ng Langit? Kaya ang Panginoong Jesus ay nangakong babalik. Dumating na ang Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Ipinahayag Niya ang lahat ng katotohanan na naglilinis at nagliligtas sa atin at ginagawa ang gawain ng paghatol upang lutasin ang ating mga satanikong kalikasan at disposisyon at ganap na iligtas tayo mula sa kasalanan at dalisayin tayo upang makapasok sa kaharian ng langit. Ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos ay katuparan ng propesiya ng Panginoong Jesus: ‘Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan(Juan 16:12–13). ‘Sapagka’t hindi Ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan. Siya na nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw(Juan 12:47–48). At sinasabi sa 1 Pedro: ‘Sapagka’t dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Diyos(1 Pedro 4:17). Sa pagdanas ng gawain ng pagtubos sa Kapanahunan ng Biyaya, matatamasa lang natin ang biyaya ng Panginoon at mapapatawad lang ang ating mga kasalanan. Hindi tayo maaalisan ng kasalanan o malilinis. Kaya dapat nating tanggapin at sundin ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw at tunay na magsisi at malinis sa katiwalian upang makalaya sa kasalanan at lubusang maligtas. Malalagpasan na natin ang mga kapahamakan at dadalhin tayo ng Diyos sa Kanyang kaharian.”

Talagang iminulat ng pagbabahagi ng kapatid ang aking mga mata. Ang ideya na maligtas ng ating pananampalataya at makapasok sa langit ay kathang-isip lang natin at taliwas sa mga salita ng Panginoon. Ginawa ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos, hindi ang gawain ng pagtanggal ng kasalanan, kaya nananatili sa atin ang makasalanan nating kalikasan at hindi rin natin mapipigilang magkasala at labanan Siya. Kaya pala hindi ko mapalaya ang sarili ko sa kasalanan sa lahat ng taong iyon gaano ko man talikdan ang aking laman o supilin ang aking sariling katawan. Iyon pala ay dahil sa aking makasalanang kalikasan at dahil hindi ko pa naranasan ang bagong gawain ng Diyos. Ginagawa ng Makapangyarihang Diyos ang gawain ng paghatol upang lubusang alisin ang ating makasalanang kalikasan at linisin at ganap na iligtas tayo. Ito ang mismong kailangan natin at napakaganda nito! Pero hindi ko alam kung paano tayo hinatulan at nilinis ng Diyos sa mga huling araw kaya tinanong ko ang mga kapatid tungkol dito.

Nagbasa si Sister Wang ng isa pang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan).

Sinundan niya ito ng ganitong pagbabahagi: “Ipinapahayag ng Makapangyarihang Diyos ang katotohanan upang hatulan at linisin tayo sa mga huling araw. Inihahayag Niya ang satanikong kalikasan at mga disposisyon ng tao na lumalaban sa Diyos. Sa pamamagitan ng paghatol at mga paghahayag ng Kanyang mga salita at mga katunayan nakikita natin kung gaano tayo ginawang tiwali ni Satanas. Tayo ay mapagmataas, mapanlinlang, namumuhi sa katotohanan, malupit, at likas na masama. Puno ng mga satanikong disposisyon ang ating mga buto at dugo, at halos hindi na tayo mukhang tao. Dahil kontrolado tayo ng tiwaling mga disposisyon na ito, hindi natin mapigilang lumaban at maghimagsik laban sa Diyos. Halimbawa, lagi nating ibinibida ang ating sarili at nagpapasikat kapag gumagawa at nangangaral para hangaan tayo ng iba. Gagawin natin ang lahat para sa sariling interes at nakikipagpaligsahan tayo para sa karangalan at nagpapakana laban sa isa’t isa. Naiinggit at namumuhi tayo sa sinumang nakahihigit sa atin, ginugugol natin ang ating sarili para lang pagpalain at makapasok sa Kanyang kaharian, at sinisisi at ‘di natin inuunawa ang Diyos kapag nagkakaproblema tayo. Tinutulutan tayo ng paghatol at pagkastigo ng Diyos na makita ang sarili nating katiwalian. Kasunod nito ay namumuhi tayo sa ating satanikong kalikasan at nagsisimula tayong makaramdam ng panghihinayang at pagkapoot sa ating sarili, at pagkatapos ay nagsisisi tayo sa Diyos. Bahagya rin nating nalalaman ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Natatakot na tayo at nagpapasakop sa Diyos, kaya na nating kusang talikdan ang ating laman at isagawa ang mga salita ng Diyos, at nagagawa na natin ang tungkulin natin bilang maaayos na nilalang at nagsisimula na tayong isabuhay ang kaunting wangis ng tao. Sa pagdanas ng lahat ng ito, nadarama natin kung gaano katindi tayong ginawang tiwali ni Satanas, na dapat nating tanggapin ang paghatol ng salita ng Diyos, na dapat linisin ang mga sataniko nating disposisyon, hindi na natin malalabanan ang Diyos, at ‘yan lang ang daan papasok sa kaharian ng Diyos.”

Sumigla ang puso ko sa narinig kong mga pagbabahaging ito. Kung tatanggapin lang natin ang gawain ng pagtubos ng Kapanahunan ng Biyaya at hindi ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos, kahit na buong buhay tayong maniwala sa Panginoon, palagi pa rin tayong igagapos ng kasalanan at hindi natin magagawa kailanman ang kalooban ng Diyos o makakapasok sa kaharian ng Diyos. Ang pagpapahayag ng Makapangyarihang Diyos ng katotohanan at paggawa ng Kanyang gawain ng paghatol ang tanging daan papasok sa kaharian sa langit! Ilang taon at kung saan-saan kong hinanap ang daan papasok sa kaharian ng langit, sa wakas ay natagpuan ko na ito. Naluha ako sa galak—natupad na ang matagal kong pangarap. Ito ang tinig ng Diyos at ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginong Jesus! Noong isilang ang Panginoong Jesus, sobrang saya ni Simeon na makita Siya walong araw pa lamang matapos Niyang maipanganak. Ang marinig ang tinig ng Diyos at tanggapin Siya sa aking buhay ay lalong nagpapasaya sa akin at pakiramdam ko’y mas mapalad ako kaysa kay Simeon. Ang laki ng pasasalamat ko sa Makapangyarihang Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagsisisi ng isang Rebelde

Ni Gu Wenqing, TsinaNaging Kristiyano ako noong 1990. May isang lider ng iglesia na nagsasabi dati, “Ang Bibliya ang pundasyon ng ating...

Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...