Sa krus, sinabi ng Panginoong Jesus, “Naganap na” (Juan 19:30), na nagpapatunay na ang gawain ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ay ganap nang naisakatuparan. Yamang naniniwala tayo sa Panginoong Jesus, ang ating mga kasalanan ay napatawad na, at tayo ay nabigyang-katwiran sa pamamagitan ng ating pananampalataya. Pagdating ng Panginoon, tayo ay maiaangat nang direkta sa makalangit na kaharian. Bakit kailangan pa ring ipahayag ng Diyos ang katotohanan at isagawa ang gawain ng paghatol at pagdadalisay sa tao?

Abril 18, 2018

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Ay gayon din naman si Cristo; na inihandog na minsan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami, sa ikalawa’y pakikita na hiwalay sa kasalanan, sa ikaliligtas ng mga nagsisipaghintay sa Kaniya” (Mga Hebreo 9:28).

“Sapagka’t kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan, Kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway” (Mga Hebreo 10:26–27).

“At kung ang sinumang tao’y nakikinig sa Aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi Ko siya hinahatulan: sapagka’t hindi Ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan. Ang nagtatakuwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kaniya’y hahatol sa huling araw” (Juan 12:47–48).

“Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagka’t hindi Siya magsasalita ng mula sa Kaniyang sarili; kundi ang anumang bagay na Kaniyang marinig, ang mga ito ang Kaniyang sasalitain: at Kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating” (Juan 16:12–13).

“Sapagka’t dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Diyos” (1 Pedro 4:17).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Bagama’t maraming gawaing ginawa si Jesus sa tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog dahil sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya nga, ngayong napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.

Hinango mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang unang pagkakatawang-tao ay upang tubusin ang tao mula sa kasalanan sa pamamagitan ng katawang-tao ni Jesus, iyon ay, iniligtas Niya ang tao mula sa krus, ngunit ang tiwaling maka-satanas na disposisyon ng tao ay nanatili pa rin sa loob ng tao. Ang ikalawang pagkakatawang-tao ay hindi na upang magsilbing handog para sa kasalanan kundi upang lubos na iligtas yaong mga taong tinubos mula sa kasalanan. Ito ay ginagawa upang ang mga pinatawad ay mapalaya mula sa kanilang mga kasalanan at magawang ganap na malinis, at sa pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon, sa gayon ay makawala sa impluwensya ng kadiliman ni Satanas at makabalik sa harap ng trono ng Diyos. Tanging sa paraang ito maaaring lubos na mapabanal ang tao. Sinimulan ng Diyos ang gawain ng pagliligtas sa Kapanahunan ng Biyaya nang matapos na ang Kapanahunan ng Kautusan. Nagpatuloy ito hanggang sa mga huling araw, kung kailan ganap na dadalisayin ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo sa tao para sa kanilang pagiging mapanghimagsik. Saka lamang tatapusin ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagliligtas at papasok sa kapahingahan.

Hinango mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang isang makasalanang tulad mo, na katutubos pa lang, at hindi pa nabago, o nagawang perpekto ng Diyos, makakaayon ka ba ng puso ng Diyos? Para sa iyo, na ang dating ikaw pa rin, totoo na ikaw ay iniligtas ni Jesus, at na ikaw ay hindi itinuturing na isang makasalanan dahil sa pagliligtas ng Diyos, ngunit hindi ito nagpapatunay na ikaw ay hindi makasalanan, at hindi marumi. Paano ka magiging banal kung hindi ka pa nababago? Sa iyong kalooban, puno ka ng karumihan, sakim ka at masama, ngunit ninanais mo pa ring bumaba na kasama ni Jesus—hindi ka ganoon kasuwerte! Nalaktawan mo ang isang hakbang sa iyong pananalig sa Diyos: Natubos ka pa lang, ngunit hindi pa nabago. Para maging kaayon ka ng puso ng Diyos, kailangang ang Diyos Mismo ang gumawa ng gawain ng pagbabago at paglilinis sa iyo; kung ikaw ay tinubos lamang, wala kang kakayahang magtamo ng kabanalan. Dahil dito hindi ka magiging karapat-dapat na makibahagi sa magagandang biyaya ng Diyos, dahil nalaktawan mo ang isang hakbang sa gawain ng Diyos na pamamahala sa tao, na isang mahalagang hakbang sa pagbabago at pagperpekto. Kaya ikaw, na isang makasalanang katutubos pa lang, ay walang kakayahang direktang manahin ang pamana ng Diyos.

Hinango mula sa “Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libu-libong taon na paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang matatag na kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos kung saan ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang may lason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang nadungisan ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para malinis at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin ng pagpipino, makakaya ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at magawang dalisay. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay yaong panlulupig pati na rin ang pangalawang yugto ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita; sa pamamagitan ng paggamit ng salita upang pinuhin, hatulan at ibunyag, na ang lahat ng karumihan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga indibidwal na pag-asam sa kalooban ng puso ng tao ay ganap na naibubunyag. Kahit na ang tao ay maaaring natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaaring ituring lamang bilang hindi pagkaalala ng Diyos sa mga paglabag ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga paglabag ng tao. Subalit, kapag ang tao na namumuhay sa laman, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, na walang-katapusang hinahayag ang kanyang maka-satanas na disposisyon. Ito ang buhay ng tao, isang walang-katapusang pagpapaulit-ulit ng kasalanan at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw upang magtapat ng kasalanan sa gabi. Dahil dito, kahit na ang handog para sa kasalanan ay magpakailanmang mabisa para sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakumpleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring tiwaling disposisyon. … Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan; wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim, at kailangan niyang umasa sa paghatol ng salita upang makamit ang gayong epekto. Sa gayon lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong iyon.

Hinango mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang gawain sa mga huling araw ay ang bumigkas ng mga salita. May malalaking pagbabago na maibubunga sa tao sa pamamagitan ng mga salita. Ang mga pagbabagong nangyayari ngayon sa mga taong ito sa pagtanggap nila ng mga salitang ito ay higit kaysa roon sa mga tao noong sila ay tumanggap ng mga tanda at mga kababalaghan sa Kapanahunan ng Biyaya. Sapagkat, sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga demonyo ay pinalayas sa tao sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at panalangin, ngunit ang tiwaling mga disposisyon sa kalooban ng tao ay nanatili pa rin. Ang tao ay pinagaling sa kanyang sakit at pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit ang gawain ng kung paano maiwawaksi ang tiwaling maka-satanas na disposisyon sa loob ng tao ay hindi pa nagawa. Ang tao ay nailigtas lamang at napatawad sa kanyang mga kasalanan dahil sa kanyang pananampalataya, ngunit ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi naalis at nanatili pa rin sa kanyang kalooban. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad sa pamamagitan ng Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi ito nangangahulugan na ang tao ay wala nang kasalanan sa kalooban niya. Ang mga kasalanan ng tao ay maaaring mapatawad sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ngunit walang paraan ang tao para lutasin ang suliranin kung paano siya hindi na muling magkakasala at kung paanong ang kanyang makasalanang kalikasan ay ganap na maiwawaksi at mababago. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad dahil sa gawain ng pagpapapako sa krus ng Diyos, ngunit ang tao ay patuloy na namuhay sa dati niyang tiwaling maka-satanas na disposisyon. Dahil dito, ang tao ay dapat na ganap na mailigtas mula sa kanyang tiwaling maka-satanas na disposisyon upang ang makasalanang kalikasan ng tao ay maaaring ganap na maiwaksi at hindi na kailanman muling mabubuo, at sa gayon ay tinutulutang mabago ang disposisyon ng tao. Kakailanganin nito na maunawaan ng tao ang landas ng paglago sa buhay, ang daan ng buhay, at ang daan upang baguhin ang kanyang disposisyon. Kakailanganin din na ang tao ay kumilos alinsunod sa landas na ito, nang sa gayon ang disposisyon niya ay unti-unting mababago at makakapamuhay siya sa ilalim ng sikat ng liwanag, upang ang lahat ng ginagawa niya ay maging kaayon ng kalooban ng Diyos, upang maiwaksi niya ang kanyang tiwaling maka-satanas na disposisyon, at upang makalaya siya mula sa impluwensya ng kadiliman ni Satanas, at sa gayon ay ganap na makalaya mula sa kasalanan. Saka lamang matatanggap ng tao ang ganap na kaligtasan. Nang ginagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, ang pagkakakilala ng tao sa Kanya ay malabo pa rin at hindi maliwanag. Ang tao ay laging naniwala na Siya ay anak ni David at ipinahayag na Siya ay isang dakilang propeta at ang mabuting Panginoon na tumubos sa mga kasalanan ng tao. Ang ilan, dahil sa lakas ng kanilang pananampalataya, ay gumaling sa pamamagitan lamang ng paghipo sa laylayan ng Kanyang damit; ang bulag ay nakakita at maging ang patay ay nabuhay muli. Gayunman, hindi nagawang matuklasan ng tao ang tiwaling maka-satanas na disposisyon na malalim na nakatanim sa kalooban niya at hindi rin alam ng tao kung paano iwaksi ito. Ang tao ay nakatanggap ng labis na biyaya, tulad ng kapayapaan at kasiyahan ng laman, ang pagpapala ng buong pamilya dahil sa pananampalataya ng isa, at ang pagpapagaling ng mga sakit, at iba pa. Ang natitira ay ang mga mabuting gawa ng tao at kanyang maka-Diyos na itsura; kung ang isang tao ay kayang mabuhay batay sa ganito, siya ay itinuring na isang katanggap-tanggap na mananampalataya. Ang mga mananampalatayang tulad lamang nito ang maaaring pumasok sa langit pagkamatay, na nangangahulugan na sila ay nailigtas. Ngunit, sa kanilang buong buhay, hindi nila naunawaan kahit kaunti ang daan ng buhay. Ang ginawa lamang nila ay gumawa ng mga kasalanan at pagkatapos ay ikumpisal ang kanilang mga kasalanan nang paulit-ulit nang walang anumang landas sa pagbabago ng kanilang disposisyon: Ganyan ang kalagayan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang tao ba ay nakatanggap ng ganap na kaligtasan? Hindi! Samakatuwid, matapos na makumpleto ang yugtong iyon ng gawain, naroon pa rin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ang yugtong ito ay para dalisayin ang tao sa pamamagitan ng salita at sa gayo’y bigyan siya ng isang landas na susundan. Ang yugtong ito ay hindi magiging mabunga o makahulugan kung nagpatuloy ito sa pagpapalayas ng mga demonyo, sapagkat ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi maiwawaksi at ang tao ay hihinto lamang sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ang tao ay napatawad sa kanyang mga kasalanan, sapagkat ang gawain ng pagpapapako sa krus ay dumating na sa katapusan at ang Diyos ay nanaig laban kay Satanas. Ngunit ang tiwaling disposisyon ng tao ay nananatili pa rin sa loob niya at ang tao ay maaari pa ring magkasala at labanan ang Diyos, at hindi pa nakamit ng Diyos ang sangkatauhan. Kung kaya sa yugtong ito ng gawain ay ginagamit ng Diyos ang salita upang ibunyag ang tiwaling disposisyon ng tao, na nagsasanhi sa kanyang magsagawa alinsunod sa tamang landas. Ang yugtong ito ay mas makahulugan kaysa nauna at mas mabunga rin, dahil sa ngayon ang salita ang direktang nagtutustos sa buhay ng tao at nagbibigay-daan upang ang disposisyon ng tao ay ganap na mapanibago; ito ay isang yugto ng gawain na mas masusi. Samakatuwid, nakumpleto ng pagkakatawang-tao sa mga huling araw ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ganap na tumapos sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao.

Hinango mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Dumating na ang mga huling araw. Lahat ng bagay na nilikha ay pagbubukud-bukurin ayon sa uri nila, at hahatiin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kanilang kalikasan. Ito ang sandali na ibubunyag ng Diyos ang kalalabasan at hantungan ng sangkatauhan. Kung hindi sasailalim sa pagkastigo at paghatol ang mga tao, walang paraan para mailantad ang kanilang pagsuway at kasamaan. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mahahayag ang kalalabasan ng lahat ng nilikha. Ipinapakita lamang ng tao ang kanyang tunay na kulay kapag siya ay kinakastigo at hinahatulan. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang buong sangkatauhan ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang kalalabasan ng lahat ng nilikha ay mahahayag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at lahat ng tao ay sasailalim sa pamamahala ng Diyos. Ang buong gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng tao at napakalala na ng kanyang pagsuway, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing pinagsama ng pagkastigo at paghatol at inihahayag sa mga huling araw, ang ganap na babago at bubuo sa tao. Ang disposisyong ito lamang ang makapaglalantad sa kasamaan at sa gayon ay makapagbibigay nang matinding parusa sa lahat ng hindi matuwid.

Hinango mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang mga nagagawang tumayo nang matatag sa panahon ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw—sa panahon ng huling gawain ng paglilinis—ang siyang makakapasok sa pangwakas na pahinga sa tabi ng Diyos. Samakatuwid, nakatakas na sa impluwensya ni Satanas ang lahat ng mga pumasok sa pahinga at nakuha na sila ng Diyos pagkatapos sumailalim sa Kanyang huling gawain ng paglilinis. Ang mga taong ito, na sa wakas ay natamo na ng Diyos, ay papasok sa huling pahinga. Ang mahalagang layunin ng gawain ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ay upang linisin ang sangkatauhan at upang ihanda sila para sa kanilang huling pahinga. Kung walang ganitong paglilinis, wala sa sangkatauhan ang maaaring maiuri sa magkakaibang mga kategorya ayon sa uri, o pumasok sa pahinga. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa pahinga. Tanging ang paglilinis ng Diyos ang magtatanggal ng kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang magdadala sa liwanag sa mga masuwaying bahagi ng sangkatauhan, naghihiwalay sa mga maaaring maligtas mula sa mga hindi maaari, at ang mga mananatili mula sa mga hindi. Kapag natapos ang gawaing ito, ang lahat ng mga taong pinayagang manatili ay lilinisin at papasok sa isang mas mataas na kalagayan ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay sa lupa; sa madaling salita, uumpisahan nila ang kanilang araw ng pahinga, at mabuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi pinapayagang manatili, ang kanilang tunay na mga kulay ay ganap na maihahayag, pagkatapos nito ay wawasakin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na magsasama ng alinman sa ganitong uri ng mga tao. Hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pahinga ang ganitong mga tao, at hindi sila angkop na sumali sa araw ng pahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng sangkatauhan, dahil sila ang puntirya ng kaparusahan at mga makasalanan, hindi matuwid na mga tao. Tinubos sila nang minsan, at hinatulan at kinastigo na rin sila. Minsan din silang nagbigay ng paglilingkod sa Diyos. Subalit, pagdating ng huling araw, aalisin at wawasakin pa rin sila dahil sa kasamaan nila at bilang bunga ng kanilang pagsuway at kawalang kakayahang matubos. Hindi sila kailanman muling iiral sa mundo ng hinaharap, at hindi na mamumuhay kasama ang lahi ng tao sa hinaharap. … Ang buong layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti ay upang lubusang maging dalisay ang lahat ng mga tao upang maaari Siyang magdala ng isang ganap na banal na sangkatauhan sa walang hanggang pahinga. Ang yugtong ito sa gawain Niya ang pinakamahalaga. Ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang pamamahala. Kung hindi winasak ng Diyos ang kasamaan, at sa halip ay pinayagan silang manatili, hindi pa rin makakapasok sa pahinga ang bawat tao, at hindi madadala ng Diyos ang lahat ng sangkatauhan sa isang mas mabuting lugar. Hindi tapos ang ganitong uri ng gawain. Kapag natapos na ang gawain Niya, magiging ganap na banal ang kabuuan ng sangkatauhan. Sa ganitong paraan lamang magagawang mamuhay ng Diyos sa mapayapang pamamahinga.

Hinango mula sa “Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Kaugnay na Nilalaman

Kontakin Kami Gamit ang Messenger