Ang Panginoong Jesus ay isang maawain at mapagmahal na Diyos. Hangga’t pinaninindigan natin ang Kanyang pangalan at nananatili tayo sa Kanyang landas, naniniwala kami na hindi Niya tayo pababayaan pagbalik Niya, ngunit tuwiran tayong dadalhin sa kaharian ng langit. Hindi ba tama ang gayong paniniwala?

Enero 26, 2022

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Sapagka’t nasusulat, Kayo’y mangagpakabanal; sapagka’t ako’y banal” (1 Pedro 1:16).

“Sinagot sila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang bawa’t nagkakasala ay alipin ng kasalanan. At ang alipin ay hindi nananahan sa bahay magpakailan man: ang anak ang nananahan magpakailan man” (Juan 8:34–35).

“Mapapalad ang nangaghuhugas ng kanilang damit, upang sila’y magkaroon ng karapatan sa punong kahoy ng buhay, at makapasok sa bayan sa pamamagitan ng mga pintuan” (Pahayag 22:14).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Kailangan mong malaman kung anong uri ng mga tao ang Aking nais; yaong mga hindi dalisay ay hindi pinapayagang makapasok sa kaharian, yaong mga hindi dalisay ay hindi pinahihintulutang dungisan ang banal na lupain. Bagama’t maaaring marami kang nagawang gawain, at gumawa ka sa loob ng maraming taon, sa huli kung kalunus-lunos pa rin ang iyong karumihan, hindi katanggap-tanggap sa batas ng Langit na nais mong pumasok sa Aking kaharian! Mula sa pundasyon ng mundo hanggang ngayon, hindi Ako kailanman nakapag-alok ng madaling daan patungo sa Aking kaharian para sa mga humihingi ng pabor sa Akin. Ito ay isang panuntunan sa langit, at walang sinumang makasusuway rito! Kailangan mong hangarin ang buhay. Ngayon, yaong mga gagawing perpekto ay kauri ni Pedro: Sila yaong mga naghahangad ng mga pagbabago sa kanilang sariling disposisyon, at handang magpatotoo sa Diyos at gampanan ang kanilang tungkulin bilang nilalang ng Diyos. Ang ganitong mga tao lamang ang gagawing perpekto. Kung umaasa ka lang sa mga gantimpala, at hindi mo hinahangad na baguhin ang iyong sariling disposisyon sa buhay, lahat ng iyong pagsisikap ay mawawalan ng saysay—at ito ay isang katotohanang hindi mababago!

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Ang isang makasalanang tulad mo, na katutubos pa lang, at hindi pa nabago, o nagawang perpekto ng Diyos, makakaayon ka ba ng puso ng Diyos? Para sa iyo, na ang dating ikaw pa rin, totoo na ikaw ay iniligtas ni Jesus, at na ikaw ay hindi itinuturing na isang makasalanan dahil sa pagliligtas ng Diyos, ngunit hindi ito nagpapatunay na ikaw ay hindi makasalanan, at hindi marumi. Paano ka magiging banal kung hindi ka pa nababago? Sa iyong kalooban, puno ka ng karumihan, sakim ka at masama, ngunit ninanais mo pa ring bumaba na kasama ni Jesus—hindi ka ganoon kasuwerte! Nalaktawan mo ang isang hakbang sa iyong pananalig sa Diyos: Natubos ka pa lang, ngunit hindi pa nabago. Para maging kaayon ka ng puso ng Diyos, kailangang ang Diyos Mismo ang gumawa ng gawain ng pagbabago at paglilinis sa iyo; kung ikaw ay tinubos lamang, wala kang kakayahang magtamo ng kabanalan. Dahil dito hindi ka magiging karapat-dapat na makibahagi sa magagandang biyaya ng Diyos, dahil nalaktawan mo ang isang hakbang sa gawain ng Diyos na pamamahala sa tao, na isang mahalagang hakbang sa pagbabago at pagperpekto. Kaya ikaw, na isang makasalanang katutubos pa lang, ay walang kakayahang direktang manahin ang pamana ng Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan

Hindi inuulit ng Diyos ang Kanyang gawain sa anumang kapanahunan. Dahil dumating na ang mga huling araw, gagawin Niya ang gawaing ginagawa Niya sa mga huling araw at ibubunyag ang Kanyang buong disposisyon sa mga huling araw. Kapag pinag-uusapan ang mga huling araw, tumutukoy ito sa nakahiwalay na kapanahunan, kung saan sinabi ni Jesus na tiyak kayong makararanas ng sakuna, at makararanas ng mga lindol, taggutom, at mga salot, na magpapakita na ito ay isang bagong kapanahunan at hindi na ang dating Kapanahunan ng Biyaya. Kung, katulad ng sinasabi ng mga tao, ang Diyos ay hindi kailanman nagbabago, ang Kanyang disposisyon ay laging mahabagin at mapagmahal, na mahal Niya ang tao gaya ng pagmamahal Niya sa Kanyang sarili, at naghahandog Siya ng kaligtasan sa bawat tao at hindi sila kailanman kinasusuklaman, matatapos ba ang Kanyang gawain? Nang dumating si Jesus at ipinako sa krus, at inialay Niya ang Kanyang sarili para sa lahat ng makasalanan at inihandog ang Kanyang sarili sa altar, naisakatuparan na Niya ang gawain ng pagtubos at naihatid na ang Kapanahunan ng Biyaya sa katapusan nito. Kaya ano ang magiging saysay ng pag-uulit sa gawain ng kapanahunang iyon sa mga huling araw? Hindi ba’t ang paggawa ng parehong bagay ay pagtanggi sa gawain ni Jesus? Kung hindi ginawa ng Diyos ang gawain ng pagpapapako sa krus noong Siya ay dumating sa yugtong ito, kundi nanatiling mahabagin at mapagmahal, madadala ba Niya ang kapanahunang ito sa katapusan? Mawawakasan ba ng isang mahabagin at mapagmahal na Diyos ang kapanahunang ito? Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay isang pagkastigo at paghatol, kung saan inihahayag Niya ang lahat ng di-matuwid, upang hayagang hatulan ang lahat ng tao, at gawing perpekto ang mga nagmamahal nang tapat sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Lahat ng bagay na nilikha ay pagbubukud-bukurin ayon sa uri nila, at hahatiin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kanilang kalikasan. Ito ang sandali na ibubunyag ng Diyos ang kalalabasan at hantungan ng sangkatauhan. Kung hindi sasailalim sa pagkastigo at paghatol ang mga tao, walang paraan para mailantad ang kanilang pagsuway at kasamaan. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mahahayag ang kalalabasan ng lahat ng nilikha. Ipinapakita lamang ng tao ang kanyang tunay na kulay kapag siya ay kinakastigo at hinahatulan. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang buong sangkatauhan ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang kalalabasan ng lahat ng nilikha ay mahahayag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at lahat ng tao ay sasailalim sa pamamahala ng Diyos. Ang buong gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng tao at napakalala na ng kanyang pagsuway, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing pinagsama ng pagkastigo at paghatol at inihahayag sa mga huling araw, ang ganap na babago at bubuo sa tao. Ang disposisyong ito lamang ang makapaglalantad sa kasamaan at sa gayon ay makapagbibigay nang matinding parusa sa lahat ng hindi matuwid. Samakatuwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan, at ang pagpapahayag at pagpapakita ng Kanyang disposisyon ay ipinamamalas para sa kapakanan ng gawain sa bawat bagong kapanahunan. Hindi sa ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang gayon-gayon na lamang at nang walang kabuluhan. Ipagpalagay na sa pagbubunyag ng kalalabasan ng tao sa mga huling araw, igagawad pa rin ng Diyos sa tao ang walang-hanggang awa at pagmamahal at patuloy na magiging mapagmahal sa mga tao, hindi isasailalim ang tao sa matuwid na paghatol kundi magpapakita sa kanya ng pagpaparaya, pagtitiis at pagpapatawad, at papatawarin ang tao gaano man katindi ang mga kasalanan niya, nang wala ni katiting na matuwid na paghatol; kailan kung gayon magwawakas ang buong pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang mapangunahan ng ganitong disposisyon ang mga tao patungo sa nararapat na hantungan ng sangkatauhan? Gawing halimbawa ang isang hukom na laging mapagmahal, may maamong mukha at magiliw na puso. Mahal niya ang mga tao anuman ang kanilang mga nagawang krimen, at siya ay mapagmahal at mapagparaya sa sinumang tao. Kung gayon, kailan siya makaaabot sa isang makatwirang hatol? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makapaghihiwalay sa tao ayon sa kanilang uri at makapagdadala sa kanila sa isang bagong kaharian. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay dadalhin sa katapusan sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3

Hanggang sa matapos ang Kanyang 6,000 taong plano ng pamamahala—bago Niya ihayag ang kalalabasan ng bawat kategorya ng tao—ang gawain ng Diyos sa lupa ay para sa pagliligtas, ang layunin nito ay para lamang gawing ganap—nang lubusan—yaong mga nagmamahal sa Kanya at mapasakop sila sa Kanyang kapamahalaan. Paano man inililigtas ng Diyos ang mga tao, ginagawang lahat iyon sa pamamagitan ng paghiwalay sa kanila sa dati nilang satanikong kalikasan; ibig sabihin, inililigtas Niya sila sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na hangarin ang buhay. Kung hindi nila gagawin iyon, walang paraan upang matanggap nila ang pagliligtas ng Diyos. Ang pagliligtas ay ang gawain ng Diyos Mismo, at ang paghahangad sa buhay ay isang bagay na kailangang gawin ng tao upang tumanggap ng kaligtasan. Sa mga mata ng tao, ang kaligtasan ay ang pag-ibig ng Diyos, at ang pag-ibig ng Diyos ay hindi maaaring maging pagkastigo, paghatol, at mga pagsumpa; ang pagliligtas ay kailangang samahan ng pagmamahal, ng habag, at, bukod pa rito, ng mga salita ng kaginhawahan, gayundin ng walang-hanggang mga pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos. Naniniwala ang mga tao na kapag inililigtas ng Diyos ang tao, ginagawa Niya iyon sa pamamagitan ng pag-antig sa kanila gamit ang Kanyang mga pagpapala at biyaya, para maibigay nila ang kanilang puso sa Diyos. Ibig sabihin, ang Kanyang pag-antig sa tao ay pagliligtas Niya sa kanila. Ang ganitong uri ng pagliligtas ay ginagawa sa pamamagitan ng pakikipagkasundo. Kapag pinagkalooban sila ng Diyos ng isandaang beses, saka pa lamang magpapasakop ang tao sa pangalan ng Diyos at magsisikap na gumawa ng mabuti para sa Kanya at maghatid sa Kanya ng kaluwalhatian. Hindi ito ang layon ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang Diyos ay naparito para gumawa sa lupa upang iligtas ang tiwaling sangkatauhan; walang kasinungalingan dito. Kung mayroon, tiyak na hindi sana Siya naparito upang gawin ang Kanyang gawain nang personal. Dati-rati, ang Kanyang paraan ng pagliligtas ay may kasamang pagpapakita ng sukdulang pag-ibig at habag, kaya ibinigay Niya ang lahat Niya kay Satanas kapalit ng buong sangkatauhan. Ang kasalukuyan ay hindi kagaya ng nakaraan: Ang kaligtasang ipinagkaloob sa inyo ngayon ay nangyayari sa panahon ng mga huling araw, kung kailan ibinubukod ang bawat isa ayon sa uri; ang paraan ng inyong kaligtasan ay hindi pag-ibig o habag, kundi pagkastigo at paghatol, upang ang tao ay maaaring mas lubusang maligtas.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao

Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos. Kung hindi mo pinag-uukulan ang mga katotohanang ito ng pagpapahalaga at palaging iniisip ang pag-iwas sa mga ito o paghahanap ng isang bagong daan bukod sa mga ito, kung gayon sinasabi kong lubha kang makasalanan. Kung mayroon kang pananampalataya sa Diyos, nguni’t hindi mo hinahanap ang katotohanan o ang kalooban ng Diyos, ni hindi iniibig ang daan na naglalapit sa iyo sa Diyos, kung gayon sinasabi Kong ikaw ay isa na sinusubukang iwasan ang paghatol, at na isa kang sunud-sunuran at taksil na tumatakas mula sa dakilang puting luklukan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinuman sa mga mapanghimagsik na tumatakas sa ilalim ng Kanyang mga mata. Ang gayong mga tao ay makatatanggap ng lalo pang mas mabigat na kaparusahan. Silang mga nagsilapit sa harap ng Diyos upang mahatulan, at higit pa ay nadalisay na, ay mananahan magpakailanman sa kaharian ng Diyos. Syempre, ito ay bagay na nabibilang sa hinaharap.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung naunawaan mo na, ipinapayo Ko na masunuring magpasakop sa pagpapahatol, kung hindi ay hindi ka magkakaroon ng pagkakataon kailanman na papurihan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Yaong mga tumatanggap lamang ng paghatol ngunit hindi kailanman maaaring mapadalisay, ibig sabihin, yaong mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay kamumuhian at itatakwil ng Diyos magpakailanman. Ang kanilang mga kasalanan ay mas marami, at mas mabigat, kaysa roon sa mga Fariseo, sapagkat napagtaksilan nila ang Diyos at naghimagsik sila laban sa Diyos. Ang gayong mga tao na ni hindi karapat-dapat na magsagawa ng paglilingkod ay tatanggap ng mas mabigat na parusa, isang parusang bukod diyan ay pangwalang-hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subalit ipinagkanulo Siya pagkatapos. Ang ganitong mga tao ay gagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba ito mismo ang paghahayag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba ito ang layunin ng Diyos sa paghatol sa tao, at pagbubunyag sa kanya? Ipapadala ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng masasamang espiritu, at hahayaan ang masasamang espiritung ito na wasakin ang kanilang katawang laman ayon sa gusto nila at ang kanilang katawan ay mangangamoy-bangkay. Iyon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos sa kanilang mga talaang aklat ang bawat isa sa mga kasalanan niyaong mga nananalig na hindi-tapat at huwad, mga huwad na apostol, at mga huwad na manggagawa; pagkatapos, sa tamang panahon, itatapon Niya sila sa gitna ng maruruming espiritu, at hahayaan ang maruruming espiritung ito na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa gusto nila, upang hindi na sila makapagkatawang-taong muli kailanman at hindi na makitang muli ang liwanag kailanman. Yaong mga ipokrito na minsang naglingkod ngunit hindi nanatiling tapat hanggang sa huli ay ibinibilang ng Diyos sa masasama, kaya bumabagsak sila sa pakikipagsosyo sa mga masasama at nagiging bahagi ng kanilang magulong grupo; sa huli, pupuksain sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos yaong mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o hindi naglaan ng anumang pagsisikap, at pupuksain silang lahat sa pagbabago ng mga kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, at lalong hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos. Yaong hindi kailanman naging tapat sa Diyos ngunit napilitan dahil sa kanilang kalagayan na humarap sa Kanya nang madalian ay ibinibilang sa mga yaong naglilingkod para sa Kanyang bayan. Iilan lamang sa mga taong iyon ang mananatiling buhay, samantalang ang karamihan ay mamamatay na kasama ng mga nagbigay ng serbisyo na hindi umabot sa pamantayan. Sa huli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian ang lahat ng tao na ang isipan ay kaayon ng Diyos, ang mga tao at ang mga anak ng Diyos pati na yaong mga itinakda ng Diyos na maging mga saserdote. Sila ang magiging bunga ng paglilinis na mula sa gawain ng Diyos. Patungkol sa mga yaong hindi kabilang sa anumang kategoryang inilatag ng Diyos, ibibilang sila sa mga di-mananampalataya—at tiyak na maiisip ninyo kung ano ang kanilang kahihinatnan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; kayo ang magpapasiya kung aling landas ang inyong pipiliin. Ang dapat ninyong maunawaan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay sa sinumang hindi nakakasabay sa Kanya, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng awa sa sinumang tao.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Naghahatid ng buhay si Cristo ng mga huling araw, at naghahatid ng walang maliw at magpakailanmang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ito lamang ang tanging landas kung saan makikilala ng tao ang Diyos at masasang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hahanapin ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka bulag na tagasunod at bilanggo ng kasaysayan. Yaong mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga titik, at iginapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakamit ang buhay ni makakamit ang walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay sapagkat ang mayroon lamang sila ay malabong tubig na kinapitan ng libu-libong taon sa halip na tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Mananatili magpakailanman na mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno yaong mga hindi nabigyan ng tubig ng buhay. Kung gayon, paano nila mapagmamasdan ang Diyos? Kung sinusubukan mo lamang na hawakan ang nakaraan, sinusubukan lamang na panatilihin ang mga bagay sa kung ano sila sa pamamagitan ng hindi paggalaw, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan na at itapon ang kasaysayan, kung gayon hindi ka ba magiging palaging laban sa Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit nakaupo kang walang imik na naghihintay ng pagkawasak, nakakapit sa kahangalan mo at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Cordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong mga libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka nila maaakay para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka nila madadala paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga titik na magbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay. Napagyayaman lamang ng mga banal na kasulatang binabasa mo ang dila mo at hindi ng mga salita ng karunungang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi sa mga landas na makapaghahatid sa iyo sa pagkaperpekto. Hindi ba nagdudulot sa iyo ng pagmumuni-muni ang pagkakaibang ito? Hindi ba pinagtatanto ka nito sa mga hiwagang sumasaloob? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung walang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Imumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan para makita kung sino ngayon ang nagpapatupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi kailanman makakamit ang buhay.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

Sinumang hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao—ibig sabihin, sinumang hindi naniniwala sa nakikitang Diyos o sa gawain at mga salita Niya, bagkus ay sumasamba sa di-nakikitang Diyos sa langit—ay isang taong walang Diyos sa kanyang puso. Mapanghimagsik at lumalaban sa Diyos ang gayong mga tao. Salat sila sa pagkatao at katwiran, lalo na sa katotohanan. Higit dito, para sa mga taong ito, lalong hindi mapaniniwalaan ang nakikita at nahahawakang Diyos, ngunit itinuturing nila na kapani-paniwala at nakapagpapasaya nang higit sa lahat ang di-nakikita at di-nahahawakang Diyos. Hindi ang aktwal na katotohanan o ang tunay na diwa ng buhay ang hinahangad nila; lalong hindi ang kalooban ng Diyos. Sa halip, hinahangad nila ang kasabikan. Alinmang mga bagay na makakayang magbigay ng kakayahang tuparin ang mga sarili nilang mga pagnanasa ay walang alinlangang ang pinaniniwalaan at itinataguyod nila. Naniniwala lamang sila sa Diyos upang matugunan ang sarili nilang mga pagnanasa, hindi upang hangarin ang katotohanan. Hindi ba mga tagagawa ng masama ang gayong mga tao? Labis ang kanilang tiwala sa sarili, at hinding-hindi sila naniniwala na wawasakin ng Diyos sa langit ang gayong “mabubuting tao” na tulad nila. Sa halip, naniniwala sila na tutulutan sila ng Diyos na manatili at, bukod dito, malakihan silang gagantimpalaan dahil sa nagawang maraming bagay para sa Diyos at naipakitang di-kakaunting “katapatan” sa Kanya. Kung hahangarin din nila ang nakikitang Diyos, sa sandaling hindi matugunan ang kanilang mga pagnanasa, agad silang gaganti sa Diyos o magwawala. Ipinakikita nila ang mga sarili bilang kasuklam-suklam na mga tuta na naghahangad lamang matugunan ang mga sarili nilang pagnanasa; hindi sila mga taong may dangal na nagtataguyod ng katotohanan. Ang gayong mga tao ay ang tinatawag na mga buktot na sumusunod kay Cristo. Yaong mga taong hindi naghahangad ng katotohanan ay hindi makakayang maniwala kahit pa sa katotohanan, at lalong hindi magagawang mahiwatigan ang kalalabasan sa hinaharap ng sangkatauhan, dahil hindi sila naniniwala sa anumang gawain o mga salita ng nakikitang Diyos—at kabilang dito ang hindi magawang maniwala sa hantungan ng sangkatauhan sa hinaharap. Samakatuwid, kahit sinusundan pa nila ang nakikitang Diyos, gumagawa pa rin sila ng masama at hinding-hindi hinahangad ang katotohanan, o isinasagawa ang katotohanang hinihingi Ko. Sa kataliwasan, ang mga taong wawasakin ay yaong hindi naniniwala na sila ay wawasakin. Lahat sila ay naniniwala na napakatalino nila, at kanilang iniisip na sila mismo ang mga taong nagsasagawa sa katotohanan. Itinuturing nila bilang katotohanan ang kanilang masamang pag-uugali at sa gayon ay itinatangi ito. Labis ang tiwala sa sarili ng mga gayong buktot na tao; itinuturing nilang doktrina ang katotohanan at itinuturing ang masasamang kilos nila bilang katotohanan, ngunit sa katapusan, makakaya lamang nilang anihin kung ano ang kanilang naihasik. Mas may tiwala sa sarili at di-masupil na kayabangan ang mga tao, mas hindi nila magagawang matamo ang katotohanan; mas naniniwala ang mga tao sa Diyos sa langit, mas nilalabanan nila ang Diyos. Ang mga taong ito ang siyang parurusahan.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Hindi gusto ng Diyos na mas maraming tao ang maparusahan, bagkus ay umaasa na mas maraming tao ang maligtas, at mas maraming tao ang makasabay sa mga yapak Niya at makapasok sa kaharian Niya. Nguni’t kung tumatanggi ang mga tao na kilalanin ang mga pagkakamali nila, kung hindi nila matatanggap ang katotohanan nang may mapagpakumbabang puso, subali’t sa halip ay namumuna, naghahanap ng mali at nagkukunwaring nakakaunawa gayong hindi naman talaga, sa gayon sila ang mga mawawalan sa huli. Hindi naghihintay kaninuman ang gawain ng Diyos. Ang pagliligtas Niya ay hindi tulad ng ilang piraso ng basura, na basta-basta itinatapon kahit kanino lang. Bagkus ito ay tinutudla, na may layon at pagpili. Kung hindi mo alam na pahalagahan ito, kung gayon ang tanging naghihintay sa iyo ay ang matuwid na paghatol at kaparusahan ng Diyos. Trinatrato ng Diyos ang lahat ng tao nang may pagkamatuwid; anuman ang edad mo, gaano ka man katanda o kahit na gaano karaming pagdurusa ang napagdaanan mo na, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay di-nababago magpakailanman sa harap ng mga bagay na ito. Hindi trinatrato ng Diyos ang sinuman nang may mataas na pagkilala, ni pinapaboran Niya ang sinuman. Ang Kanyang saloobin tungo sa mga tao ay batay sa kung natatanggap nila ang katotohanan o hindi at tinatanggap ang Kanyang bagong gawain sa pamamagitan ng pagbitaw sa lahat ng mga bagay. Kung natatanggap mo ang Kanyang bagong gawain at tinatanggap ang katotohanan na Kanyang ipinapahayag, kung gayon makakaya mong kamtin ang pagliligtas ng Diyos. Kung ikaw ay mapagmataas sa iyong beteranong katayuan at ipinagmamalaki mo ang iyong katandaan, naglalatag ng mga kondisyon sa Diyos, kung gayon ikaw ay itatatwa mula sa pagliligtas ng Diyos. Katulad lamang ng mga Judio, na hindi matanggap si Jesucristo kundi naghintay lamang para sa Mesias, ang bumagsak sa kanila sa huli ay ang sumpa at ang galit ng Diyos; ito ay isang katunayan na nariyan para makita ng lahat. … Hindi tayo dapat kaagad nagbibigay ng konklusyon tungkol sa gawain ng Diyos at Kanyang pamamahala, dahil kapag nagkagayon hindi mga pangako ng Diyos ang matatamo natin, kundi sa halip ay ang Kanyang poot, mga pagsumpa at kaparusahan, at ang habambuhay na inaasam ay mauuwi sa wala. Batay sa sakit na dulot ng mga naging karanasan, ang dapat nating gawin ay lalo pang huwag tulutan na mawala sa atin ang pagliligtas ng Diyos at mangunyapit sa bawat paggabay at bawat pagkakataon na iginagawad sa atin ng Diyos, upang maiwasan nating sumpain ng Diyos sa panahong hindi natin inaasahan Dapat na maging matiyaga at maingat tayong naghihintay sa pagparito ng Diyos, pahalagahang mabuti ang ebanghelyo na dumarating sa ating landas, idalangin sa Diyos na patatatagin tayo ng pananampalataya at idalangin sa Diyos na gawaran tayo ng espirituwal na mga mata upang mahiwatigan natin ang bawat uri ng tao at bagay na makakaharap natin, hanggang sa panahong masasaksihan natin ang pagpapakita ng Diyos.

… Ang kaalaman at panlabas na mga pag-uugali ng mga Fariseo ay hindi nagligtas sa kanilang relasyon kay Jesucristo. Sa kabaligtaran, napinsala sila nito, at ang kanilang kaalaman at mga pagkaintindi, kasama ang larawan ng Diyos sa kanilang mga puso, ang nagbunsod sa kanila na kondenahin ang Panginoong Jesus. Ang kanilang mga imahinasyon at isipan ang nagligaw sa kanila, na nagtakip sa kanilang mga espirituwal na mata, nagsanhi na hindi nila makilala ang Mesias na nakarating na, na gawin ang lahat ng kaya nila para maghanap ng ebidensiya at makamtan ang isang panghahawakan upang kondenahin ang Panginoong Jesus. Ito ang kanilang pangit na mukha—ginagamit na dahilan ang pagtataguyod sa orihinal na gawain ng Diyos upang kondenahin ang makatotohanang gawain ng Diyos sa kasalukuyan. Siyempre, ito ay isang kamalian na malamang magawa ng mga taong nabubuhay sa anumang kapanahunan—ang paggamit ng mga lumang doktrina at tuntunin upang sukatin at kondenahin ang mga katotohanan na hindi pa nila kailanman napakinggan, iniisip na sila ay nakakapit sa totoong daan at pinananatili ang kanilang kadalisayan sa harap ng Diyos, na sila ay nagiging tapat sa Diyos. Subali’t ano ang mga katunayan? Patuloy na ginagawa ng Diyos ang Kanyang bagong gawain, ipinagpapatuloy ang Kanyang pamamahala, palaging bago at hindi luma kailanman. At paano naman ang mga tao? Lagi silang nakahawak nang mahigpit sa ilang makalumang bagay na iniisip nila na kabuuan ng mga pahayag ng Diyos, pinupuri ang kanilang mga sarili, namimintog sa pagmamataas, hinihintay ang Diyos na magkaloob sa kanila ng mga gantimpala na may saloobin na naniniwalang hindi sila kailanman itatapon ng Diyos, hindi sila kailanman tratratuhin nang hindi patas. At ano ang kinalabasan? Nagpapatuloy ang gawain ng Diyos na di-nahahadlangan, na may mas maraming tao ng bagong kapanahunan na sumusunod sa Kanya at tumatanggap sa Kanyang bagong gawain, habang ang mga naghihintay sa Diyos na magkaloob ng mga gantimpala sa kanila ay inaalis ng bagong gawain ng Diyos, at higit pang maraming tao ang nahuhulog sa kaparusahan ng Diyos. Sa sandaling nag-uumpisa ang kanilang kaparusahan, ang kanilang buhay na naniniwala sa Diyos ay tapos na, at ang kanilang katapusan, at kanilang hantungan, ay natapos na. Hindi ito isang bagay na nais ninuman na makita, nguni’t ito ay nangyayari na di-namamalayan sa harap ng ating mga mata. Kung gayon ito ba ay dahil sa pagiging walang-awa ng disposisyon ng Diyos, o ito ay dahil sa ang paghahanap ng mga tao ang may mali? Hindi ba talagang mahalaga na lubusang suriin ng sangkatauhan ang kanilang mga sarili?

Hinango mula sa Pagtatapos na Pananalita sa Mga Klasikong Halimbawa ng Kaparusahan sa Paglaban sa Makapangyarihang Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Nananalig na tayo sa Panginoon sa loob ng napakaraming taon. Kahit maaari tayong mangaral at kumilos para sa Panginoon at magdusa nang husto, maaari pa rin tayong palaging magsinungaling, manloko at mandaya. Araw-araw, ipinagtatanggol natin ang ating sarili. Napakadalas, mayabang tayo, mapagmataas, pasikat, at mapanghamak sa iba. Namumuhay tayo sa sitwasyon ng pagkakasala at pagsisisi, at hindi tayo makaalpas sa pang-aalipin ng laman, at dumaranas at nagsasagawa ng salita ng Panginoon. Hindi pa natin nararanasan ang anumang realidad ng salita ng Panginoon. Sa kaso natin, madadala man lang ba tayo sa kaharian ng langit? Sabi ng ilang tao, gaano man tayo magkasala, gaano man tayo inaalipin ng laman, ang tingin sa atin ng Panginoon ay walang kasalanan. Sumusunod sila sa salita ni Pablo: “Sa isang sangdali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng trumpeta: sapagka’t tutunog ang trumpeta, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo’y babaguhin” (1 Corinto 15:52). At ipinapalagay nila na agad babaguhin ng Panginoon ang ating anyo pagdating Niya at dadalhin tayo sa kaharian ng langit. Naniniwala ng ilang tao na ang mga tumatanggap ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya pero patuloy pa ring nagkakasala ay hindi karapat-dapat na makapasok sa kaharian ng langit. Nakabatay ito unang-una na sa salita ng Panginoong Jesus: “Hindi ang bawa’t nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit” (Mateo 7:21). “Kayo nga’y magpakabanal, sapagka’t Ako’y banal” (Levitico 11:45). Ito ay dalawang magkakumpitensyang pananaw na hindi malinaw na masasabi ng sinuman, Makipag-usap naman kayo para sa amin.

Sagot: Noong araw, dati-rati’y itinuturing nating salita ng Diyos ang mga salita ng mga apostol na kagaya ni Pablo at sumusunod tayo sa...