Naniwala tayo sa Panginoon at pagkatapos mabinyagan, tayo ay muling isinilang, naligtas at naging mga bagong tao. Kuwalipikado tayong pumasok sa kaharian ng langit at tumanggap ng buhay na walang hanggan. Hindi na natin kailangan pa na gawin ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw upang tayo ay linisin. Tama bang tanggapin ito sa ganitong paraan?

Enero 27, 2022

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang bawa’t nagkakasala ay alipin ng kasalanan. At ang alipin ay hindi nananahan sa bahay magpakailan man: ang anak ang nananahan magpakailan man” (Juan 8:34–35).

“Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit” (Mateo 7:21).

“Sundin ninyo ang kapayapaan sa lahat ng mga tao, at ang pagpapakabanal na kung wala ito’y sinoman ay di makakakita sa Panginoon” (Mga Hebreo 12:14).

“Kayo nga’y magpakabanal, sapagka’t ako’y banal” (Levitico 11:45).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Bagama’t maraming gawaing ginawa si Jesus sa tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog dahil sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya nga, ngayong napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Sa panahong iyon, ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan. Ang mga kasalanan ng lahat ng naniwala sa Kanya ay pinatawad; hangga’t ikaw ay naniniwala sa Kanya, ikaw ay Kanyang tutubusin; kung ikaw ay naniniwala sa Kanya, wala ka na sa pagkakasala, ikaw ay pinawalang-sala na sa iyong mga kasalanan. Ito ang kahulugan ng pagiging naligtas, at mapawalang-sala ng pananampalataya. Ngunit sa mga naniwala, mayroon pa ring nanatiling mga mapanghimagsik at sumalungat sa Diyos, at kailangan pa ring dahan-dahang alisin. Ang kaligtasan ay hindi nangahulugan na ang tao ay lubusan nang nakamit ni Jesus, kundi na ang tao ay wala na sa kasalanan, na siya ay pinatawad na sa kanyang mga kasalanan: Basta’t ikaw ay naniniwala, hindi ka na kailanman nasa kasalanan pa.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 2

Ang alam mo lang ay bababa si Jesus sa mga huling araw, ngunit paano ba talaga Siya bababa? Ang isang makasalanang tulad mo, na katutubos pa lang, at hindi pa nabago, o nagawang perpekto ng Diyos, makakaayon ka ba ng puso ng Diyos? Para sa iyo, na ang dating ikaw pa rin, totoo na ikaw ay iniligtas ni Jesus, at na ikaw ay hindi itinuturing na isang makasalanan dahil sa pagliligtas ng Diyos, ngunit hindi ito nagpapatunay na ikaw ay hindi makasalanan, at hindi marumi. Paano ka magiging banal kung hindi ka pa nababago? Sa iyong kalooban, puno ka ng karumihan, sakim ka at masama, ngunit ninanais mo pa ring bumaba na kasama ni Jesus—hindi ka ganoon kasuwerte! Nalaktawan mo ang isang hakbang sa iyong pananalig sa Diyos: Natubos ka pa lang, ngunit hindi pa nabago. Para maging kaayon ka ng puso ng Diyos, kailangang ang Diyos Mismo ang gumawa ng gawain ng pagbabago at paglilinis sa iyo; kung ikaw ay tinubos lamang, wala kang kakayahang magtamo ng kabanalan. Dahil dito hindi ka magiging karapat-dapat na makibahagi sa magagandang biyaya ng Diyos, dahil nalaktawan mo ang isang hakbang sa gawain ng Diyos na pamamahala sa tao, na isang mahalagang hakbang sa pagbabago at pagperpekto. Kaya ikaw, na isang makasalanang katutubos pa lang, ay walang kakayahang direktang manahin ang pamana ng Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan

Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libu-libong taon na paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang matatag na kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos kung saan ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang may lason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang nadungisan ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para malinis at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin ng pagpipino, makakaya ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at magawang dalisay. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay yaong panlulupig pati na rin ang pangalawang yugto ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita; sa pamamagitan ng paggamit ng salita upang pinuhin, hatulan at ibunyag, na ang lahat ng karumihan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga indibidwal na pag-asam sa kalooban ng puso ng tao ay ganap na naibubunyag. Kahit na ang tao ay maaaring natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaaring ituring lamang bilang hindi pagkaalala ng Diyos sa mga paglabag ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga paglabag ng tao. Subalit, kapag ang tao na namumuhay sa laman, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, na walang-katapusang inihahayag ang kanyang maka-satanas na disposisyon. Ito ang buhay ng tao, isang walang-katapusang pagpapaulit-ulit ng kasalanan at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw upang magtapat ng kasalanan sa gabi. Dahil dito, kahit na ang handog para sa kasalanan ay magpakailanmang mabisa para sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakumpleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring tiwaling disposisyon. … Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan; wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim, at kailangan niyang umasa sa paghatol ng salita upang makamit ang gayong epekto. Sa gayon lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong iyon.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4

Ang gawain sa mga huling araw ay ang bumigkas ng mga salita. May malalaking pagbabago na maibubunga sa tao sa pamamagitan ng mga salita. Ang mga pagbabagong nangyayari ngayon sa mga taong ito sa pagtanggap nila ng mga salitang ito ay higit kaysa roon sa mga tao noong sila ay tumanggap ng mga tanda at mga kababalaghan sa Kapanahunan ng Biyaya. Sapagkat, sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga demonyo ay pinalayas sa tao sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at panalangin, ngunit ang tiwaling mga disposisyon sa kalooban ng tao ay nanatili pa rin. Ang tao ay pinagaling sa kanyang sakit at pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit ang gawain ng kung paano maiwawaksi ang tiwaling maka-satanas na disposisyon sa loob ng tao ay hindi pa nagawa. Ang tao ay nailigtas lamang at napatawad sa kanyang mga kasalanan dahil sa kanyang pananampalataya, ngunit ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi naalis at nanatili pa rin sa kanyang kalooban. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad sa pamamagitan ng Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi ito nangangahulugan na ang tao ay wala nang kasalanan sa kalooban niya. Ang mga kasalanan ng tao ay maaaring mapatawad sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ngunit walang paraan ang tao para lutasin ang suliranin kung paano siya hindi na muling magkakasala at kung paanong ang kanyang makasalanang kalikasan ay ganap na maiwawaksi at mababago. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad dahil sa gawain ng pagpapapako sa krus ng Diyos, ngunit ang tao ay patuloy na namuhay sa dati niyang tiwaling maka-satanas na disposisyon. Dahil dito, ang tao ay dapat na ganap na mailigtas mula sa kanyang tiwaling maka-satanas na disposisyon upang ang makasalanang kalikasan ng tao ay maaaring ganap na maiwaksi at hindi na kailanman muling mabubuo, at sa gayon ay tinutulutang mabago ang disposisyon ng tao. Kakailanganin nito na maunawaan ng tao ang landas ng paglago sa buhay, ang daan ng buhay, at ang daan upang baguhin ang kanyang disposisyon. Kakailanganin din na ang tao ay kumilos alinsunod sa landas na ito, nang sa gayon ang disposisyon niya ay unti-unting mababago at makakapamuhay siya sa ilalim ng sikat ng liwanag, upang ang lahat ng ginagawa niya ay maging kaayon ng kalooban ng Diyos, upang maiwaksi niya ang kanyang tiwaling maka-satanas na disposisyon, at upang makalaya siya mula sa impluwensya ng kadiliman ni Satanas, at sa gayon ay ganap na makalaya mula sa kasalanan. Saka lamang matatanggap ng tao ang ganap na kaligtasan. Nang ginagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, ang pagkakakilala ng tao sa Kanya ay malabo pa rin at hindi maliwanag. Ang tao ay laging naniwala na Siya ay anak ni David at ipinahayag na Siya ay isang dakilang propeta at ang mabuting Panginoon na tumubos sa mga kasalanan ng tao. Ang ilan, dahil sa lakas ng kanilang pananampalataya, ay gumaling sa pamamagitan lamang ng paghipo sa laylayan ng Kanyang damit; ang bulag ay nakakita at maging ang patay ay nabuhay muli. Gayunman, hindi nagawang matuklasan ng tao ang tiwaling maka-satanas na disposisyon na malalim na nakatanim sa kalooban niya at hindi rin alam ng tao kung paano iwaksi ito. Ang tao ay nakatanggap ng labis na biyaya, tulad ng kapayapaan at kasiyahan ng laman, ang pagpapala ng buong pamilya dahil sa pananampalataya ng isa, at ang pagpapagaling ng mga sakit, at iba pa. Ang natitira ay ang mga mabuting gawa ng tao at kanyang maka-Diyos na itsura; kung ang isang tao ay kayang mabuhay batay sa ganito, siya ay itinuring na isang katanggap-tanggap na mananampalataya. Ang mga mananampalatayang tulad lamang nito ang maaaring pumasok sa langit pagkamatay, na nangangahulugan na sila ay nailigtas. Ngunit, sa kanilang buong buhay, hindi nila naunawaan kahit kaunti ang daan ng buhay. Ang ginawa lamang nila ay gumawa ng mga kasalanan at pagkatapos ay ikumpisal ang kanilang mga kasalanan nang paulit-ulit nang walang anumang landas sa pagbabago ng kanilang disposisyon: Ganyan ang kalagayan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang tao ba ay nakatanggap ng ganap na kaligtasan? Hindi! Samakatuwid, matapos na makumpleto ang yugtong iyon ng gawain, naroon pa rin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ang yugtong ito ay para dalisayin ang tao sa pamamagitan ng salita at sa gayo’y bigyan siya ng isang landas na susundan. Ang yugtong ito ay hindi magiging mabunga o makahulugan kung nagpatuloy ito sa pagpapalayas ng mga demonyo, sapagkat ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi maiwawaksi at ang tao ay hihinto lamang sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ang tao ay napatawad sa kanyang mga kasalanan, sapagkat ang gawain ng pagpapapako sa krus ay dumating na sa katapusan at ang Diyos ay nanaig laban kay Satanas. Ngunit ang tiwaling disposisyon ng tao ay nananatili pa rin sa loob niya at ang tao ay maaari pa ring magkasala at labanan ang Diyos, at hindi pa nakamit ng Diyos ang sangkatauhan. Kung kaya sa yugtong ito ng gawain ay ginagamit ng Diyos ang salita upang ibunyag ang tiwaling disposisyon ng tao, na nagsasanhi sa kanyang magsagawa alinsunod sa tamang landas. Ang yugtong ito ay mas makahulugan kaysa nauna at mas mabunga rin, dahil sa ngayon ang salita ang direktang nagtutustos sa buhay ng tao at nagbibigay-daan upang ang disposisyon ng tao ay ganap na mapanibago; ito ay isang yugto ng gawain na mas masusi. Samakatuwid, nakumpleto ng pagkakatawang-tao sa mga huling araw ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ganap na tumapos sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4

Ang mahalagang layunin ng gawain ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ay upang linisin ang sangkatauhan at upang ihanda sila para sa kanilang huling pahinga. Kung walang ganitong paglilinis, wala sa sangkatauhan ang maaaring maiuri sa magkakaibang mga kategorya ayon sa uri, o pumasok sa pahinga. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa pahinga. Tanging ang paglilinis ng Diyos ang magtatanggal ng kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang magdadala sa liwanag sa mga masuwaying bahagi ng sangkatauhan, naghihiwalay sa mga maaaring maligtas mula sa mga hindi maaari, at ang mga mananatili mula sa mga hindi. Kapag natapos ang gawaing ito, ang lahat ng mga taong pinayagang manatili ay lilinisin at papasok sa isang mas mataas na kalagayan ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay sa lupa; sa madaling salita, uumpisahan nila ang kanilang araw ng pahinga, at mabuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi pinapayagang manatili, ang kanilang tunay na mga kulay ay ganap na maihahayag, pagkatapos nito ay wawasakin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na magsasama ng alinman sa ganitong uri ng mga tao. Hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pahinga ang ganitong mga tao, at hindi sila angkop na sumali sa araw ng pahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng sangkatauhan, dahil sila ang puntirya ng kaparusahan at mga makasalanan, hindi matuwid na mga tao. Tinubos sila nang minsan, at hinatulan at kinastigo na rin sila. Minsan din silang nagbigay ng paglilingkod sa Diyos. Subalit, pagdating ng huling araw, aalisin at wawasakin pa rin sila dahil sa kasamaan nila at bilang bunga ng kanilang pagsuway at kawalang kakayahang matubos. Hindi sila kailanman muling iiral sa mundo ng hinaharap, at hindi na mamumuhay kasama ang lahi ng tao sa hinaharap. … Ang buong layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti ay upang lubusang maging dalisay ang lahat ng mga tao upang maaari Siyang magdala ng isang ganap na banal na sangkatauhan sa walang hanggang pahinga. Ang yugtong ito sa gawain Niya ang pinakamahalaga. Ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang pamamahala. Kung hindi winasak ng Diyos ang kasamaan, at sa halip ay pinayagan silang manatili, hindi pa rin makakapasok sa pahinga ang bawat tao, at hindi madadala ng Diyos ang lahat ng sangkatauhan sa isang mas mabuting lugar. Hindi tapos ang ganitong uri ng gawain. Kapag natapos na ang gawain Niya, magiging ganap na banal ang kabuuan ng sangkatauhan. Sa ganitong paraan lamang magagawang mamuhay ng Diyos sa mapayapang pamamahinga.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply