Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Hindi ang bawat nagsasabi sa Akin, ‘Panginoon, Panginoon’, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?’ At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan’” (Mateo 7:21–23).
“Ang kaharian ng langit ay nagdurusa ng karahasan, at kinukuha nang sapilitan ng mga taong mararahas” (Mateo 11:12).
“Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, ‘Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anumang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit’” (Mateo 18:3).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Bagama’t maraming tao ang nananampalataya sa Diyos, kakaunti ang nakakaunawa kung ano ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos, at kung paano sila mismo dapat kumilos upang maging naaayon sa mga layunin ng Diyos. Ito ay dahil, bagama’t alam ng mga tao ang salitang “Diyos” at mga pariralang tulad ng “ang gawain ng Diyos,” hindi nila kilala ang Diyos, at lalong hindi nila alam ang Kanyang gawain. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na lahat ng hindi nakakakilala sa Diyos ay naguguluhan sa kanilang pananampalataya sa Kanya. Hindi sineseryoso ng mga tao ang pananampalataya sa Diyos, at ito ay dahil lamang sa masyado silang hindi pamilyar sa paniniwala sa Diyos, masyado itong nakakapanibago para sa kanila. Sa ganitong paraan, nagkukulang sila sa mga hinihingi ng Diyos. Sa madaling salita, kung hindi kilala ng mga tao ang Diyos at hindi alam ang Kanyang gawain, hindi sila angkop na gamitin ng Diyos, at lalong hindi nila magagawang matugunan ang Kanyang mga layunin. Ang “pananampalataya sa Diyos” ay nangangahulugan ng paniniwala na mayroong Diyos; ito ang pinakasimpleng konsepto patungkol sa paniniwala sa Diyos. Higit pa rito, ang paniniwala na mayroong Diyos ay hindi kapareho ng tunay na pananampalataya sa Diyos; sa halip, ito ay isang uri ng simpleng pananalig na may matitinding kahulugang pangrelihiyon. Ang ibig sabihin ng tunay na pananampalataya sa Diyos ay ang mga sumusunod: Batay sa pananampalataya na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, dinaranas ng isang tao ang Kanyang mga salita at Kanyang gawain, at sa gayon ay iwinawaksi ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao, tinutugunan ang mga layunin ng Diyos, at nakikilala ang Diyos. Ganitong uri lamang ng paglalakbay ang matatawag na “pananampalataya sa Diyos.” Subalit madalas ituring ng mga tao ang pananampalataya sa Diyos bilang isang labis na simple at walang-kabuluhang bagay. Kapag ang mga tao ay nananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan, nawawalan ito ng kahulugan, at bagama’t maaari silang patuloy na maniwala hanggang sa kahuli-hulihan, hindi nila kailanman matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos, dahil tumatahak sila sa maling landas. Ang mga naniniwala sa Diyos hanggang ngayon nang ayon sa mga salita at sa hungkag na doktrina ay hindi pa rin alam na wala silang diwa ng pananampalataya sa Diyos, at na hindi nila matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Nagdarasal pa rin sila na pagpalain sila ng Diyos ng kapayapaan at sapat na biyaya. Patahimikin natin ang ating puso at mag-isip nang husto: Maaari kaya na ang pananampalataya sa Diyos ang pinakamadaling bagay sa lupa? Maaari kaya na ang paniniwala sa Diyos ay nangangahulugan lamang ng pagtanggap ng maraming biyaya mula sa Diyos? Talaga bang ang mga taong naniniwala sa Diyos nang hindi Siya nakikilala o naniniwala sa Diyos subalit kinakalaban Siya ay natutugunan ang mga layunin ng Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Napakasimple ng pagtingin ng ilang tao sa usapin ng pananampalataya sa Diyos. Iniisip nila, “Ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan ng pagdalo sa mga pagtitipon, pananalangin, pakikinig sa mga sermon, pakikipagbahaginan, pag-awit at pagpupuri sa Diyos, at paggampan sa ilang tungkulin. Hindi ba’t iyon ang kabuuan ng pananampalataya sa Diyos?” Ngayon, gaano man karaming taon na kayong nananampalataya sa Diyos, hindi pa rin ninyo lubusang nauunawaan ang kahalagahan ng pananalig sa Diyos. Sa katunayan, ang kahulugan ng pananalig sa Diyos ay napakalalim, kaya kung napakababaw ng mga karanasan ng isang tao, hindi nila ito maaarok. Kapag dumaranas sila hanggang sa pinakadulo, dapat ay malinis at mabago ang disposisyon ni Satanas at ang mga satanikong lason sa loob nila. Dapat sangkapan ng mga tao ang mga sarili nila ng maraming katotohanan, abutin ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa tao, at magawang tunay na magpasakop sa Diyos at sambahin Siya. Saka lang sila tunay na magkakamit ng kaligtasan. Kung ikaw ay gaya pa rin ng dati noong bahagi ka pa ng isang relihiyon, bumibigkas lang ng ilang salita at doktrina at nagsasabi ng ilang islogan, gumagampan ng kaunting mabuting gawi at kilos, at umiiwas sa partikular na makasalanang mga bagay—kahit yaong mga halata man lang—hindi nito ipinapakita na napasok mo na ang tamang landas sa iyong pananampalataya sa Diyos. Ang pagsunod ba sa mga regulasyon ay nangangahulugan na ikaw ay nasa tamang landas? Nangangahulugan ba ito na tama ang napili mo? Kung hindi nagbabago ang mga bagay sa loob ng iyong kalikasan, kung gayon ay malalabanan mo pa rin ang Diyos at sasalungat sa Kanya sa huli. Ito ang pinakamalaking problema. Kung hindi mo lulutasin ang problemang ito sa iyong pananampalataya sa Diyos, masasabi bang talagang nakamit mo na ang kaligtasan? Ano ba mismo ang ibig Kong sabihin dito? Gusto Kong maunawaan ninyo sa puso ninyo na ang pananalig sa Diyos ay hindi maihihiwalay sa Kanyang salita, at hindi ito maihihiwalay sa Diyos Mismo, o sa katotohanan. Kailangan mong piliin ang tamang landas at pagsikapan ang katotohanan at ang salita ng Diyos. Hindi ka maaaring magkamit lang ng bahagya o ng pahapyaw na pang-unawa, at iyon na iyon. Makakasama lang sa iyo ang panloloko sa iyong sarili. Walang saysay na ibatay ang iyong pananalig sa iyong mga imahinasyon. Kung mananampalataya ka hanggang sa huli, at wala ang Diyos sa puso mo, kung mabilis mo lang na binubuklat ang Kanyang mga salita, at hindi maaalala ang mga iyon pagkatapos, at kung walang puwang ang Diyos sa iyong puso, kung gayon ay katapusan mo na.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpili ng Tamang Landas ang Pinakamahalagang Bahagi ng Pananampalataya sa Diyos
Ano ang kahalagahan sa huli ng pananalig ng mga tao? Sa madaling salita, ito ay upang maligtas. At ano ang kahalagahan ng kaligtasan? Gusto Kong pag-isipan ninyo itong lahat at sabihin sa Akin kung ano talaga ang ibig sabihin ng maligtas. (Ibig sabihin nito ay na makalalaya kami mula sa madilim na impluwensiya ni Satanas, makakapanumbalik nang lubusan sa Diyos, at sa huli, ay makapananatiling buhay.) (Ang mga taong namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas ay nararapat sa kamatayan, ngunit ang mga taong naligtas sa pamamagitan ng pagdanas sa gawain ng Diyos ay hindi mamamatay.) Nauunawaan ninyong lahat ito at maipaliliwanag ito sa antas ng doktrina, ngunit hindi lang ninyo alam kung ano talaga ang ibig sabihin ng maligtas. Ang pagiging naligtas ba ay pagwawaksi ng inyong tiwaling disposisyon? Ang pagiging naligtas ba ay nangangahulugang hindi pagsisinungaling, ng pagiging isang matapat na tao at paghinto sa paghihimagsik sa Diyos? Paano ba ang mga tao pagkatapos nilang maligtas? Sa madaling salita, ang pagiging naligtas ay nangangahulugan na magagawa mong magpatuloy na mabuhay, na ikaw ay pinanumbalik sa buhay. Namumuhay ka dati sa kasalanan, at nakatakda para sa kamatayan—gaya ng nakikita ng Diyos, ikaw ay patay. Ano ang batayan sa pagsasabi nito? Sa ilalim ng kaninong kapangyarihan namumuhay ang mga tao bago sila nagtamo ng kaligtasan? (Sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas.) At saan umaasa ang mga tao para mabuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas? Umaasa sila sa kanilang satanikong kalikasan at mga tiwaling disposisyon para mabuhay. Kung gayon, ang buong katauhan ba nila—ang kanilang laman, at lahat ng iba pang aspekto katulad ng kanilang espiritu at mga kaisipan—ay buhay o patay? Mula sa pananaw ng Diyos, sila ay patay, sila ay mga naglalakad na bangkay. Sa panlabas, mukhang humihinga ka at nag-iisip, ngunit ang lahat ng palagi mong iniisip ay masama, pagsuway sa Diyos at pagrerebelde laban sa Diyos, ang lahat ng iyong iniisip ay mga bagay na kinapopootan, kinamumuhian, at kinokondena ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, ang lahat ng bagay na ito ay hindi lamang sa laman, kundi ang mga ito ay lubusang kay Satanas at sa mga diyablo. Kaya, sa mga mata ng Diyos, tao pa nga ba ang tiwaling sangkatauhan? Hindi, sila ay mga halimaw, diyablo, at mga Satanas; sila ay mga Satanas na buhay! Ang lahat ng tao ay namumuhay sa kalikasan at disposisyon ni Satanas, at ayon sa nakikita ng Diyos, sila ay mga Satanas na buhay at nakadamit sa laman ng tao, mga diyablo na nasa balat ng tao. Inilalarawan ng Diyos ang gayong mga tao bilang mga naglalakad na bangkay, bilang ang mga patay. Ginagawa na ngayon ng Diyos ang gawain ng pagliligtas, na nangangahulugan na kukunin Niya ang mga naglalakad na bangkay na namumuhay sa tiwaling disposisyon ni Satanas at sa tiwaling diwa nito—ang mga patay—at gagawin Niya silang mga taong buhay. Iyan ang kahalagahan ng pagiging naligtas. Naniniwala sa Diyos ang isang tao upang maligtas—ano ang ibig sabihin ng maligtas? Kapag natamo ng isang tao ang pagliligtas ng Diyos, sila ang mga patay na nagiging buhay. Minsan man silang naging kay Satanas, na nakatakdang mamatay, ngayon ay nabuhay na sila bilang mga taong nasa panig ng Diyos. Kung kaya ng mga taong magpasakop sa Diyos, makilala Siya, at yumukod sa Kanya sa pagsamba kapag nanampalataya at sumunod sila sa Diyos, kung wala na silang paglaban at paghihimagsik sa Diyos sa kanilang puso, at Siya ay hindi na nila lalabanan o tutuligsain, at kaya na nilang tunay na magpasakop sa Diyos, kung gayon, sa paningin ng Diyos, sila ay tunay na mga taong buhay. Ang isang tao ba na kumikilala lang sa Diyos sa salita ay isang taong buhay? (Hindi.) Anong uri ng tao ang isang taong buhay, kung gayon? Ano-ano ang realidad ng mga taong buhay? Ano ang dapat na taglay ng mga taong buhay? Sabihin ninyo sa Akin ang inyong mga opinyon. (Ang mga taong kayang tumanggap ng katotohanan ay mga taong buhay. Kapag ang mga ideolohikal na pananaw ng mga tao at mga pananaw ukol sa mga bagay-bagay ay nagbago at umayon sa salita ng Diyos, sila ay mga taong buhay.) (Ang mga taong buhay ay ang mga nakauunawa sa katotohanan at kayang isagawa ang katotohanan.) (Ang isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan gaya ni Job ay isang taong buhay.) (Ang mga taong nakakikilala sa Diyos, kayang mamuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos, at kayang isabuhay ang katotohanang realidad—sila ang mga taong buhay.) Kayong lahat ay nagsabi ng isang uri ng pagpapamalas. Para sa huli ay maligtas at maging isang taong buhay ang isang tao, dapat na kahit paano ay magagawa niyang pakinggan ang mga salita ng Diyos, at magsabi ng mga salita ng konsensiya at katwiran, at dapat nag-iisip siya at kumikilatis, kayang maunawaan ang katotohanan at isagawa ito, kayang magpasakop sa Diyos at sumamba sa Kanya. Ganyan ang isang tunay na taong buhay. Ano ang madalas na iniisip at ginagawa ng mga taong buhay? Kaya nilang gawin ang ilang bagay na dapat na ginagawa ng mga normal na tao. Pangunahin sa lahat, ginagampanan nila nang maayos ang mga tungkulin nila, at natatakot sila sa Diyos at umiiwas sa kasamaan sa kanilang iniisip at ibinubunyag, sa kanilang sinasabi at ginagawa sa pang-araw-araw. Iyan ang kalikasan ng madalas nilang iniisip at ginagawa. Para mas tiyak, ang sinasabi nila at ginagawa sa kabuuan ay naaayon sa katotohanan, kahit paano. Hindi ito kinondena ng Diyos o itinaboy Niya, bagkus ay kinilala at sinang-ayunan Niya. Ito ang ginagawa ng mga taong buhay, at ito ang dapat nilang gawin.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Totoong Pagpapasakop Lamang Maaaring Magkaroon ng Tunay na Pagtitiwala ang Isang Tao
Ang isang normal na espirituwal na buhay ay hindi limitado sa mga pagsasagawang tulad ng pagdarasal, pagkanta ng mga himno, paglahok sa buhay-iglesia, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Sa halip, kinapapalooban ito ng pamumuhay ng sariwa at masiglang espirituwal na buhay. Ang mahalaga ay hindi kung paano kayo nagsasagawa, kundi kung ano ang ibinubunga ng inyong pagsasagawa. Naniniwala ang karamihan sa mga tao na ang isang normal na espirituwal na buhay ay kailangang kapalooban ng pagdarasal, pagkanta ng mga himno, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos o pagninilay sa Kanyang mga salita, mayroon mang tunay na epekto ang gayong mga pagsasagawa o kaya’y humahantong man ang mga ito sa tunay na pagkaunawa. Nakatuon ang mga taong ito sa pagsunod sa mababaw na mga pamamaraan nang hindi iniisip ang magiging resulta ng mga ito; sila ay mga taong nabubuhay sa mga ritwal ng relihiyon, hindi mga taong nabubuhay sa loob ng iglesia, at lalong hindi sila mga tao ng kaharian. Lahat ng kanilang panalangin, pagkanta ng mga himno, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay isang anyo lang ng pagsunod sa mga regulasyon, na ginagawa dahil napipilitan sila at para makaagapay sa mga kalakaran, hindi dahil sa kahandaan at ni hindi mula sa puso. Gaano man manalangin o kumanta ang mga taong ito, hindi magkakaroon ng bunga ang kanilang mga pagsisikap, sapagkat ang isinasagawa nila ay mga regulasyon at ritwal lamang ng relihiyon; hindi talaga sila nagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Nagtutuon lamang sila sa pagkabahala kung paano sila nagsasagawa, at itinuturing nilang mga regulasyong susundin ang mga salita ng Diyos. Hindi isinasagawa ng gayong mga tao ang mga salita ng Diyos; pinagbibigyan lamang nila ang laman, at gumagawa sila para makita ng ibang mga tao. Lahat ng regulasyon at ritwal na ito ng relihiyon ay tao ang pinagmulan; hindi nagmumula ang mga ito sa Diyos. Ang Diyos ay hindi sumusunod sa mga regulasyon, ni hindi Siya sakop ng anumang batas. Sa halip, gumagawa Siya ng mga bagong bagay araw-araw, gumagampan ng praktikal na gawain. Gaya ng mga tao sa Three-Self Church, na nililimitahan ang kanilang sarili sa mga pagsasagawa tulad ng pagdalo sa pagsamba sa umaga araw-araw, pag-aalay ng mga panalangin sa gabi at panalangin ng pasasalamat bago kumain, at pasasalamat sa lahat ng bagay—gaano man karami ang kanilang ginagawa at gaano man katagal nila iyon ginagawa, hindi mapapasakanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag nabubuhay ang mga tao sa gitna ng mga regulasyon at nakatutok ang kanilang puso sa mga pamamaraan ng pagsasagawa, hindi makakagawa ang Banal na Espiritu, dahil ang kanilang puso ay puno ng mga regulasyon at kuru-kuro ng tao. Sa gayon, hindi nagagawang mamagitan at gumawa ang Diyos sa kanila, at maaari lamang silang patuloy na mabuhay sa ilalim ng kontrol ng mga batas. Ang gayong mga tao ay walang kakayahang tumanggap ng papuri ng Diyos kailanman.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Hinggil sa Isang Normal na Espirituwal na Buhay
Dahil naniniwala ka sa Diyos, kailangan mong kainin at inumin ang Kanyang mga salita, danasin ang Kanyang mga salita, at isabuhay ang Kanyang mga salita. Ito lamang ang matatawag na paniniwala sa Diyos! Kung naniniwala ka sa Diyos sa salita subalit hindi mo naisasagawa ang anuman sa Kanyang mga salita o nakakagawa ng anumang realidad, hindi ito tinatawag na pananampalataya sa Diyos. Sa halip, ito ay “paghahangad na makinabang hangga’t nais.” Ang pagsasalita lamang ng mga walang-kuwentang patotoo, walang-silbing mga bagay, at mababaw na mga bagay, nang wala ni katiting na realidad: hindi bumubuo ang mga ito ng paniniwala sa Diyos, at talagang hindi mo naarok ang tamang paraan ng paniniwala sa Diyos. Bakit mo kailangang kainin at inumin ang mga salita ng Diyos hangga’t maaari? Kung hindi ka kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita kundi naghahangad ka lamang na makaakyat sa langit, paniniwala ba iyon sa Diyos? Ano ang unang hakbang na dapat gawin ng isang naniniwala sa Diyos? Sa anong landas ginagawang perpekto ng Diyos ang tao? Maaari ka bang magawang perpekto nang hindi ka kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos? Maituturing ka bang isang tao ng kaharian kung hindi nagsisilbing iyong realidad ang mga salita ng Diyos? Ano ba talaga ang ibig sabihin ng paniniwala sa Diyos? Ang mga nananampalataya sa Diyos ay dapat man lamang kumilos nang maayos sa labas; ang pinakamahalaga sa lahat ay ang mag-angkin ng mga salita ng Diyos. Anuman ang mangyari, hindi ka maaaring tumalikod kailanman mula sa Kanyang mga salita. Ang pagkilala sa Diyos at pagtugon sa Kanyang mga layunin ay nakakamit na lahat sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Sa hinaharap, bawat bansa, denominasyon, relihiyon, at sektor ay malulupig sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Magsasalita nang tuwiran ang Diyos, at lahat ng tao ay hahawakan ang mga salita ng Diyos sa kanilang mga kamay, at sa pamamagitan nito, magagawang perpekto ang sangkatauhan. Sa loob at sa labas, ang mga salita ng Diyos ay lumalaganap saanman: Sasambitin ng bibig ng sangkatauhan ang mga salita ng Diyos, magsasagawa alinsunod sa mga salita ng Diyos, at iingatan sa kalooban ang mga salita ng Diyos, na nananatiling babad sa mga salita ng Diyos kapwa sa loob at sa labas. Sa ganito magagawang perpekto ang sangkatauhan. Yaong mga tumutugon sa mga layunin ng Diyos at nagagawang magpatotoo sa Kanya, ito ang mga taong nagtataglay ng mga salita ng Diyos bilang kanilang realidad.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita
Ano ang tunay na paniniwala sa Diyos ngayon? Ito ay ang pagtanggap sa salita ng Diyos bilang buhay realidad mo at ang pagkilala sa Diyos mula sa Kanyang salita upang makamit ang tunay na pagmamahal sa Kanya. Upang maging malinaw: Ang paniniwala sa Diyos ay upang magpasakop ka sa Diyos, mahalin ang Diyos, at tuparin ang tungkulin na dapat isakatuparan ng isang nilikha ng Diyos. Ito ang layunin ng paniniwala sa Diyos. Dapat mong kamtin ang isang pagkakilala sa pagiging kaibig-ibig ng Diyos, sa kung gaano karapat-dapat ang Diyos sa paggalang, sa kung paano, sa Kanyang mga nilikha, ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagliligtas at ginagawa silang perpekto—ito ang mga pangunahing kinakailangan ng iyong pananampalataya sa Diyos. Ang paniniwala sa Diyos sa pangunahin ay ang paglipat mula sa isang pamumuhay ng laman tungo sa isang buhay ng pagmamahal sa Diyos; mula sa pamumuhay na nakapaloob sa katiwalian tungo sa pamumuhay na nakapaloob sa buhay ng mga salita ng Diyos; ito ay paglabas mula sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at pamumuhay sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, ito ay ang nakakayanang makamit ang pagpapasakop sa Diyos at hindi ang pagpapasakop sa laman, ito ay pagpapahintulot sa Diyos na makamit ang iyong buong puso, pagpapahintulot sa Diyos na gawin kang perpekto, at pagpapalaya sa iyong sarili mula sa tiwaling satanikong disposisyon. Pangunahin ang paniniwala sa Diyos upang ang dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos ay mangyaring maipamalas sa iyo, nang sa gayon maaari kang makasunod sa kalooban ng Diyos, at tuparin ang plano ng Diyos, at magawang patotohanan ang Diyos sa harap ni Satanas. Ang paniniwala sa Diyos ay hindi dapat umikot sa pagnanais na makita ang mga tanda at mga kababalaghan, o hindi ito dapat alang-alang sa iyong personal na laman. Tungkol ito dapat sa paghahangad sa pagkilala sa Diyos, at kakayahang magpasakop sa Diyos, at, tulad ni Pedro, na nagpasakop sa Kanya hanggang kamatayan. Ito ang mga pangunahing layunin ng paniniwala sa Diyos. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay upang makilala ang Diyos at upang ikalugod Niya. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay nagbibigay sa iyo ng higit na pagkakilala sa Diyos, at pagkaraan lamang nito makakapagpasakop ka sa Diyos. Tanging kung may pagkakilala ka sa Diyos na magagawa mong ibigin Siya, at ito ang layuning dapat taglayin ng tao sa kanyang paniniwala sa Diyos. Kung, sa iyong paniniwala sa Diyos, palagi mong sinusubukang makita ang mga tanda at mga kababalaghan, mali kung gayon ang pananaw ng ganitong paniniwala sa Diyos. Ang paniniwala sa Diyos ay pangunahing pagtanggap sa mga salita ng Diyos bilang buhay realidad. Makakamit lamang ang layunin ng Diyos sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos mula sa Kanyang bibig at pagsasakatuparan ng mga iyon sa loob mo. Sa pananampalataya sa Diyos, dapat hangarin ng tao na magawang perpekto ng Diyos, ang magawang magpasakop sa Diyos, at makamit ang ganap na pagpapasakop sa Diyos. Kung makakapagpasakop sa Diyos nang hindi dumaraing, isasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, kamtin ang tayog ni Pedro, at taglayin ang estilo ni Pedro na sinabi ng Diyos, kung gayon, iyon ang magiging hudyat na natamo mo ang tagumpay sa pananampalataya sa Diyos, at ito ang magpapahiwatig na nakamit ka na ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos
Dapat mong malaman kung anong uri ng mga tao ang Aking nais; iyong mga hindi dalisay ay hindi pinapayagang makapasok sa kaharian, iyong mga hindi dalisay ay hindi pinahihintulutang dungisan ang banal na lupain. Bagama’t maaaring marami kang nagawang gawain, at gumawa ka sa loob ng maraming taon, sa huli kung kalunos-lunos pa rin ang iyong karumihan, hindi katanggap-tanggap sa batas ng Langit na nais mong pumasok sa Aking kaharian! Mula sa pundasyon ng mundo hanggang ngayon, hindi Ako kailanman nakapag-alok ng madaling daan patungo sa Aking kaharian para sa mga sumisipsip sa Akin. Ito ay isang panuntunan sa langit, at walang sinumang makasusuway rito! Kailangan mong hangarin ang buhay. Ngayon, iyong mga gagawing perpekto ay kauri ni Pedro: Sila iyong mga naghahangad ng mga pagbabago sa kanilang sariling disposisyon, at handang magpatotoo sa Diyos at tuparin ang kanilang tungkulin bilang isang nilikha. Ang ganitong mga tao lamang ang gagawing perpekto. Kung umaasa ka lang sa mga gantimpala, at hindi ka naghahangad ng pagbabago sa iyong sariling buhay disposisyon, lahat ng iyong pagsisikap ay mawawalan ng saysay—at ito ay isang katotohanang hindi mababago!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao