Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VIII
Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay Para sa Lahat ng Bagay (II)
Ipagpapatuloy nating magbahagi sa ating huling paksa. Natatandaan ba ninyo kung ano ang paksa noong huli tayong nagsagawa ng pagbabahagi? (Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay para sa Lahat ng Bagay.) Ang paksa bang ito, “Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay para sa Lahat ng Bagay,” ay isang paksang napakalayo sa inyong loob? O mayroon na ba kayong pahapyaw na konsepto nito sa inyong mga puso? May makapagsasalita ba nang sandali tungkol sa kung ano ang pinakasentro ng ating huling pagbabahagi sa paksang ito? (Sa pamamagitan ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay, nakikita ko na pinagyayaman Niya ang lahat ng bagay at pinagyayaman ang sangkatauhan. Sa nakalipas, lagi kong inaakala na kapag naglalaan ang Diyos sa tao, ang Kanyang salita lamang ang ibinibigay Niya sa hinirang Niyang mga tao; hindi ko kailanman nakita na, sa pamamagitan ng mga batas na namamahala sa lahat ng bagay, pinagyayaman ng Diyos ang buong sangkatauhan. Sa pamamagitan lamang ng pagbibigay-alam ng Diyos sa katotohanang ito kaya ko nabatid na ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng bagay, na ang mga buhay ng lahat ng bagay ay ibinibigay Niya, na isinasaayos ng Diyos ang mga batas na ito at pinagyayaman ang lahat ng bagay. Mula sa paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay, nakikita ko ang pag-ibig Niya.) Noong nakaraan, pangunahing nagbahagi tayo tungkol sa paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay at kung paano Niya itinatag ang mga batas at mga prinsipyo para sa mga ito. Sa ilalim ng gayong mga batas at gayong mga prinsipyo, ang lahat ng bagay ay nabubuhay at namamatay at kasamang umiiral ng tao sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos at sa mga mata ng Diyos. Una nating pinag-usapan ang tungkol sa paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay at paggamit sa sarili Niyang mga pamamaraan upang tukuyin ang mga batas na pinaglalaguan ng mga ito, gayundin ang mga direksyon at mga huwaran ng kanilang paglago. Tinukoy rin Niya ang mga paraan kaya nabubuhay ang lahat ng bagay sa lupaing ito upang maaari silang magpatuloy na lumago at magparami at mabuhay nang umaasa sa isa’t isa. Sa pamamagitan ng gayong mga pamamaraan at mga batas, nagagawa ng lahat ng bagay na umiral at lumago sa lupaing ito nang walang kahirap-hirap at mapayapa, at sa pamamagitan lamang ng gayong kapaligiran maaaring magkaroon ang tao ng isang matatag na tahanan at matatag na kalagayan na paninirahan, patuloy na sumusulong sa ilalim ng patnubay ng Diyos—patuloy na sumusulong.
Noong nakaraan, pinag-usapan natin ang isang saligang konsepto ng pagtutustos ng Diyos sa lahat ng bagay: Tinutustusan ng Diyos ang lahat ng bagay sa ganitong paraan upang ang lahat ng bagay ay maaaring umiral at mabuhay para sa kapakinabangan ng sangkatauhan. Sa madaling salita, ang gayong kapaligiran ay umiiral dahil sa mga batas na itinakda ng Diyos. Dahil lamang sa pagpapanatili at pangangasiwa ng Diyos sa gayong mga batas kaya may kasalukuyang buhay na kapaligiran ang sangkatauhan. Ito ay isang malaking lukso sa pagitan ng pinag-usapan natin noong nakaraan at sa pagkakakilala sa Diyos na ating pinag-usapan sa nakaraan. Ano ang dahilan ng pag-iral ng luksong iyon? Ito ay nang pinag-usapan natin sa nakaraan ang tungkol sa pagkilala sa Diyos, nag-uusap tayo sa loob ng saklaw ng pagliligtas at pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan—ibig sabihin, ang pagliligtas at pamamahala sa hinirang na mga tao ng Diyos—at sa loob ng saklaw na iyon, pinag-usapan natin ang pagkilala sa Diyos, mga gawa ng Diyos, Kanyang disposisyon, kung ano ang mayroon at kung ano Siya, Kanyang kalooban, at kung paano Niya binibigyan ang tao ng katotohanan at ng buhay. Subali’t noong nakaraan, ang paksang ating sinimulan ay hindi limitado sa mga nilalaman ng Bibliya at sa saklaw ng pagliligtas ng Diyos sa Kanyang hinirang na mga tao. Bagkus, umaabot nang lampas sa saklaw na ito ang paksa, lampas sa mga hangganan ng Bibliya at ng tatlong yugto ng gawaing isinasagawa ng Diyos sa Kanyang hinirang na mga tao, na tinatalakay sa halip ang Diyos Mismo. Kaya, kapag naririnig mo ang bahaging ito ng Aking pagbabahagi, hindi mo dapat limitahan ang pagkakakilala sa Diyos sa Bibliya at sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos. Sa halip, dapat mong panatilihing bukas ang iyong pananaw; dapat mong makita ang mga gawa ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya sa loob ng lahat ng bagay, at kung paano Niya inaatasan at pinamamahalaan ang lahat ng bagay. Sa pamamagitan ng pamamaraang ito at sa saligang ito, makikita mo kung paano tinutustusan ng Diyos ang lahat ng bagay, na nagbibigay-daan sa sangkatauhan na maunawaan na ang Diyos ang tunay na pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay, na ito ay, sa katunayan, ang tunay na pagkakakilanlan ng Diyos Mismo. Ibig sabihin, ang pagkakakilanlan ng Diyos, katayuan at awtoridad, ang Kanyang lahat, ay hindi lamang ukol para sa mga kasalukuyang sumusunod sa Kanya—hindi lamang ukol para sa inyo, sa pangkat na ito ng mga tao—bagkus ay ukol sa lahat ng bagay. Kung gayon, napakalawak ng saklaw ng lahat ng bagay. Ginagamit Ko ang katagang “lahat ng bagay” upang ilarawan ang saklaw ng pamumuno ng Diyos sa lahat dahil ibig Kong sabihin sa inyo na ang mga bagay na iniatas ng Diyos ay hindi lamang ang mga bagay na kaya ninyong makita gamit ang inyong mga mata—hindi lamang ang materyal na mundong nakikita ng lahat ang kabilang sa mga ito, kundi pati rin ang isa pang mundo na lampas sa materyal na mundo at hindi kayang makita ng mga mata ng tao, at maging lampas pa roon, sa mga planeta at kalawakan, kung saan hindi kayang manirahan ng sangkatauhan. Iyan ang saklaw ng kapamahalaan ng Diyos sa lahat ng bagay. Napakalawak ng saklaw ng Kanyang kapamahalaan; para sa inyong bahagi, ang bawa’t isa sa inyo ay kinakailangan at dapat maunawaan, makita, at magkaroon ng kalinawan tungkol sa kung ano ang dapat ninyong maunawaan, kung ano ang dapat ninyong makita, at kung anong mga bagay ang dapat na magkaroon kayo ng kaalaman. Bagama’t talagang napakalawak ng saklaw ng katagang “lahat ng bagay,” hindi Ko sasabihin sa inyo ang tungkol sa mga bagay sa loob ng saklaw na iyon na hindi ninyo kayang makita kailanman o na hindi ninyo kayang personal na mahawakan. Sasabihin Ko lang sa inyo ang tungkol sa mga bagay sa loob ng saklaw na iyon na kayang mahawakan, maunawaan, at maintindihan ng mga tao, upang kayang mabatid ng lahat ang tunay na kahulugan ng pariralang “Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay.” Sa ganitong paraan, wala kahit isa sa mga salita ng Aking pagbabahagi sa inyo ang magiging hungkag.
Noong nakaraan, ginamit natin ang paraan ng pagkukuwento upang magbigay ng isang simpleng pangkalahatang ideya ng paksang “Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay para sa Lahat ng Bagay,” upang makapagtamo ang mga tao ng saligang pagkaunawa kung paano nagtutustos ang Diyos sa lahat ng bagay. Ano ang layunin ng pagtuturo sa inyo ng saligang konseptong ito? Ito ay upang ipaunawa sa mga tao na umaabot ang gawain ng Diyos nang lampas pa sa Bibliya at sa Kanyang tatlong yugto ng gawain. Gumagawa Siya ng higit pang gawain na hindi kayang makita ng mga tao at hindi nila kayang personal na mahawakan, gawain na personal Niyang inaasikaso. Kung gumawa ang Diyos nang nakatuon lamang sa Kanyang pamamahala at sa pasulong na panguguna sa Kanyang hinirang na mga tao, at hindi nakibahagi sa alinman sa ibang gawaing ito, magiging napakahirap para sa sangkatauhang ito, kabilang kayong lahat, na magpatuloy na sumulong. Hindi magagawang magpatuloy sa pag-unlad ng sangkatauhang ito at ng mundong ito. Diyan nakapaloob ang kahalagahan ng pariralang “Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay” na siyang paksa ng isasagawa Kong pagbabahagi sa inyo ngayon.
Ang Saligang Kapaligiran Para sa Buhay na Nililikha ng Diyos Para sa Sangkatauhan
Natalakay na natin ang maraming paksa at maraming nilalaman kaugnay ng mga salitang “Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay,” nguni’t alam ba ninyo sa inyong mga puso kung ano ang mga bagay na ipinagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan, maliban sa pagbibigay sa inyo ng Kanyang salita at pagganap sa inyo ng Kanyang gawain ng pagkastigo at paghatol? Maaaring sabihin ng ilang tao na, “Pinagkakalooban ako ng Diyos ng biyaya at mga pagpapala; binibigyan Niya ako ng disiplina at kaginhawahan, at binibigyan Niya ako ng malasakit at pag-iingat sa lahat ng posibleng paraan.” Sasabihin ng iba, “Pinagkakalooban ako ng Diyos ng pang-araw-araw na pagkain at inumin,” samantalang sasabihin pa ng ilan, “Ipinagkaloob na sa akin ng Diyos ang lahat.” Maaaring tumugon kayo sa mga usaping kinahaharap ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na mga buhay sa paraang nauugnay sa saklaw ng sariling, makalamang karanasan sa buhay. Nagkakaloob ang Diyos ng maraming bagay sa bawa’t tao, bagama’t ang ating tinatalakay dito ay hindi lamang limitado sa saklaw ng mga pang-araw-araw na pangangailangan ng tao, nguni’t nilayong palawakin ang abot-tanaw ng bawa’t tao at hayaang makita ang mga bagay mula sa isang malawak na pananaw. Yamang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay, paano Niya napananatili ang buhay ng lahat ng bagay? Sa madaling salita, ano ang ibinibigay ng Diyos sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha upang mapanatili ang pag-iral ng mga ito at ng mga batas na nagpapatibay rito, upang makapagpatuloy na umiral ang mga ito? Iyan ang pangunahing punto ng ating talakayan ngayon. Nauunawaan ba ninyo ang Aking nasabi? Maaaring labis na hindi pamilyar sa inyo ang paksang ito, nguni’t hindi Ako magsasalita tungkol sa kahit anong mga doktrinang masyadong malalim. Sisikapin Kong tiyakin na makapakikinig kayo sa Aking mga salita at makapagtatamo ng pagkaunawa mula sa mga ito. Hindi ninyo kailangang makaramdam ng kahit anong pasanin—ang dapat lamang ninyong gawin ay makinig nang mabuti. Gayunpaman, sa puntong ito, dapat Kong muling bigyang-diin: Anong paksa ang Aking tinatalakay? Sabihin sa Akin. (Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay para sa Lahat ng Bagay.) Kung gayon ay paano tinutustusan ng Diyos ang lahat ng bagay? Ano ang ibinibigay Niya sa lahat ng bagay upang masabi na “Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay”? Mayroon ba kayong anumang mga konsepto o kaisipan tungkol dito? Tila ba tinatalakay Ko ang isang paksa na halos ganap na lingid sa inyo, sa inyong mga puso at sa inyong mga isip. Nguni’t umaasa Akong kaya ninyong iugnay ang paksang ito at kung ano ang Aking sasabihin tungkol sa mga gawa ng Diyos, sa halip na sa anumang kaalaman, kultura ng tao at pananaliksik. Tungkol lamang sa Diyos ang Aking sinasabi, tungkol sa Diyos Mismo. Ito ang Aking mungkahi sa inyo. Tiyak Akong nauunawaan ninyo, hindi ba?
Nagkaloob na ang Diyos ng maraming bagay sa sangkatauhan. Magsisimula Ako sa pamamagitan ng pagsasalita tungkol sa kung ano ang nakikita ng mga tao, ibig sabihin, ay kung ano ang kanilang nararamdaman. Ito ang mga bagay na kayang tanggapin at maunawaan ng mga tao sa kanilang mga puso. Kaya una, magsimula tayo sa isang talakayan tungkol sa materyal na mundo sa pamamagitan ng pag-uusap tungkol sa kung ano ang ibinigay na ng Diyos sa sangkatauhan.
a. Hangin
Una, nilikha ng Diyos ang hangin upang makahinga ang tao. Ang hangin ay isang bagay substansiya na maaaring madama ng mga tao araw-araw at isang bagay ito kung saan ang mga tao ay umaasa sa bawa’t sandali, kahit na sila ay natutulog. Lubhang mahalaga para sa sangkatauhan ang hangin na nilikha ng Diyos: Kinakailangan ito sa bawa’t paghinga nila at sa buhay mismo. Ang substansiyang ito, na mararamdaman lamang nguni’t hindi makikita, ang unang kaloob ng Diyos sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha. Subali’t matapos likhain ang hangin, tumigil ba ang Diyos, itinuring na tapos na ang Kanyang gawain? O isinaalang-alang ba Niya kung gaano ang magiging densidad ng hangin? Isinaalang-alang ba Niya kung ano ang magiging nilalaman ng hangin? Ano ang iniisip ng Diyos noong nilikha Niya ang hangin? Bakit nilikha ng Diyos ang hangin, at ano ang Kanyang pangangatwiran? Kailangan ng mga tao ang hangin—kailangan nilang huminga. Una sa lahat, dapat naaangkop ang densidad ng hangin sa mga baga ng tao. May nakakaalam ba ng densidad ng hangin? Ang totoo, walang partikular na pangangailangan ang mga tao na malaman ang sagot sa tanong na ito batay sa mga numero o mga datos, at tunay nga, hindi gaanong kinakailangan na malaman ang kasagutan—ganap nang sapat ang magkaroon lamang ng pangkalahatang ideya. Nilikha ng Diyos ang hangin nang may densidad na magiging pinakaangkop upang makahinga ang mga baga ng tao. Ibig sabihin, nilikha ng Diyos ang hangin upang madali itong makapasok sa mga katawan ng tao sa pamamagitan ng kanilang paghinga, at upang hindi nito mapipinsala ang katawan habang ito’y humihinga. Ito ang mga pagsasaalang-alang ng Diyos nang nilikha Niya ang hangin. Sunod, pag-uusapan natin kung ano ang mga nilalaman ng hangin. Ang mga nilalaman nito ay hindi nakalalason sa mga tao at sa gayon ay hindi makapipinsala sa mga baga o anumang bahagi ng katawan. Kinailangang isaalang-alang ng Diyos ang lahat ng ito. Kinailangang isaalang-alang ng Diyos na dapat maayos na pumasok at lumabas ng katawan ang hanging nilalanghap ng mga tao, at matapos malanghap, ang katangian at dami ng mga substansiyang nakapaloob sa hangin ay dapat maging gayon upang ang dugo, pati na rin ang maduming hangin sa mga baga at sa katawan sa kabuuan, ay mapoproseso nang wasto. Higit pa rito, kinailangan Niyang isaalang-alang na hindi dapat magtaglay ang hangin ng anumang nakalalasong mga substansiya. Ang Aking layunin sa pagsasabi sa inyo tungkol sa dalawang pamantayang ito para sa hangin ay hindi upang bigyan kayo ng anumang partikular na kaalaman, kundi upang ipakita sa inyo na nilikha ng Diyos ang bawa’t isang bagay sa loob ng Kanyang paglikha ayon sa sarili Niyang mga pagsasaalang-alang, at ang lahat ng Kanyang nilikha ay ang pinakamahusay na maaari itong maging. Bukod dito, tungkol sa dami ng alikabok sa hangin; at ang dami ng alikabok, buhangin at dumi sa ibabaw ng lupa; gayundin ang dami ng alikabok na bumababa sa lupa mula sa langit—may sariling mga pamamaraan ang Diyos upang pamahalaan ang mga bagay na ito, gayundin, mga pamamaraan upang linisin ang mga ito o pagdurog-durugin ang mga ito. Bagaman may tiyak na dami ng alikabok, ginawa ito ng Diyos upang hindi mapinsala ng alikabok ang katawan ng tao o mailagay sa panganib ang paghinga ng tao, at ginawa Niya ang mga butil ng alikabok nang may sukat na hindi makapipinsala sa katawan. Hindi ba isang hiwaga ang paglikha ng Diyos sa hangin? Isang simpleng bagay ba ito, gaya ng pag-ihip ng hangin mula sa Kanyang bibig? (Hindi.) Maging sa Kanyang paglikha ng mga pinakasimpleng bagay, ang hiwaga ng Diyos, ang mga paggawa ng Kanyang isip, ang Kanyang paraan ng pag-iisip, at ang Kanyang karunungan ay pawang maliwanag. Hindi ba praktikal ang Diyos? (Oo, praktikal Siya.) Ang ibig sabihin nito ay maging sa paglikha ng simpleng mga bagay, iniisip ng Diyos ang sangkatauhan. Unang-una, malinis ang hanging nilalanghap ng mga tao, at naaangkop sa paghinga ng tao ang mga nilalaman nito, hindi nakalalason at hindi nagdudulot ng pinsala sa mga tao; gayundin, akma para sa paghinga ng tao ang densidad ng hangin. Ang hanging ito, na patuloy na nilalanghap at hinihingang palabas ng tao, ay kinakailangan ng katawan ng tao, ang katawang-tao. Ito ang dahilan kung bakit maaaring makahinga nang malaya ang mga tao, nang walang pagpigil o pag-aalala. Samakatuwid ay makahihinga sila nang normal. Ang hangin ang siyang nilikha ng Diyos noong pasimula, at siyang kailangang-kailangan para sa paghinga ng tao.
b. Temperatura
Temperatura ang ikalawang bagay na ating tatalakayin. Alam ng lahat kung ano ang temperatura. Ang temperatura ay isang bagay na kinakailangan sa isang kapaligirang angkop para sa kaligtasan ng buhay ng tao. Kung masyadong mataas ang temperatura—halimbawa, ipagpalagay nang mas mataas kaysa 40 digri Celsius ang temperatura—hindi ba masyadong nakasasaid ito para sa mga tao? Hindi ba magiging nakapapagod para sa mga tao na manirahan sa gayong mga kalagayan? At paano naman kung masyadong mababa ang temperatura? Ipagpalagay nang aabot sa negatibong 40 digri Celcius ang temperatura—hindi rin ito matatagalan ng mga tao. Samakatuwid, naging napakapartikular ng Diyos sa pagtatakda ng saklaw ng mga temperatura, yamang iyon ang saklaw ng temperatura kung saan kayang umangkop ng katawan ng tao, na pumapatak, nang humigit-kumulang, sa pagitan ng negatibong 30 digri Celsius at 40 digri Celsius. Sadyang pumapatak sa loob ng saklaw na ito ang mga temperatura sa mga kalupaan mula sa hilaga hanggang sa timog. Sa malalamig na rehiyon, maaaring bumagsak ang mga temperatura sa marahil ay negatibong 50 o 60 digri Celsius. Hindi patitirahan ng Diyos sa mga tao ang gayong mga rehiyon. Kung gayon, bakit umiiral ang ganitong nagyeyelong mga rehiyon? May sariling karunungan ang Diyos, at may sarili Siyang mga intensyon para rito. Hindi ka Niya palalapitin sa mga lugar na iyon. Iniingatan ng Diyos ang mga lugar na masyadong mainit at masyadong malamig, nangangahulugang hindi Niya pinanukala na manirahan ang tao roon. Hindi para sa sangkatauhan ang mga lugar na ito. Subali’t bakit paiiralin ng Diyos ang mga lugar na iyon sa mundo? Kung hindi pahihintulutan ng Diyos ang tao na manirahan o makaligtas man lang sa mga lugar na ito, bakit pa lilikhain ng Diyos ang mga ito? Diyan nakapaloob ang karunungan ng Diyos. Ibig sabihin, makatuwirang isinaayos na ng Diyos ang temperatura ng kapaligiran kung saan nabubuhay ang mga tao. Mayroon ding isang natural na batas na gumagawa rito. Lumikha ang Diyos ng ilang bagay upang mapanatili at makontrol ang temperatura. Ano ang mga ito? Una, nakapagdadala ng init ang araw sa mga tao, nguni’t matitiis kaya ng mga tao ang init na ito kapag masyado itong matindi? Mayroon bang sinumang nangangahas na lumapit sa araw? Mayroon bang anumang siyentipikong instrumento sa mundo na kayang lumapit sa araw? (Wala.) Bakit wala? Masyadong mainit ang araw. Matutunaw ang anumang bagay na masyadong lumalapit. Samakatuwid, partikular na gumawa ang Diyos upang itakda ang taas at ang distansiya ng araw mula sa sangkatauhan alinsunod sa Kanyang metikulosong mga kalkulasyon at sa Kanyang mga pamantayan. Pagkatapos, nariyan ang dalawang polo ng mundo, timog at hilaga. Lubos na nagyeyelo at pang-gleysyer ang mga rehiyong ito. Kaya bang manirahan ng tao sa mga pang-gleysyer na mga rehiyon? Angkop ba para sa kaligtasan ng buhay ng tao ang mga lugar na iyon? Hindi, kaya hindi pumupunta ang mga tao sa mga lugar na ito. Yamang hindi pumupunta ang mga tao sa Polong Timog at Hilaga, napangangalagaan ang mga gleysyer nito at patuloy na nagagampanan ang kanilang layunin, na kontrolin ang temperatura. Nauunawaan ba, oo? Kung wala ang Polong Timog at wala rin ang Polong Hilaga, mamamatay ang mga tao sa lupa nang dahil sa patuloy na init ng araw. Sa pamamagitan lamang ba ng dalawang bagay na ito napananatili ng Diyos ang temperatura sa loob ng saklaw na angkop para sa kaligtasan ng buhay ng tao? Hindi. Mayroon ding lahat ng klase ng mga bagay na may buhay, gaya ng damo sa mga parang, iba’t ibang uri ng mga puno, at lahat ng klase ng mga halaman sa mga kagubatan na sumisipsip sa init ng araw at, sa paggawa nito, iniibsan ang mainit na enerhiya ng araw sa paraang isinasaayos ang temperatura ng kapaligirang pinaninirahan ng mga tao. Mayroon ding mga pinagmumulan ng tubig, gaya ng mga ilog at mga lawa. Walang makapagpapasya sa sakop na lugar ng mga ilog at mga lawa. Walang sinuman ang kayang kontrolin kung gaano karaming tubig ang mayroon sa mundo, ni kung saan dumadaloy ang tubig na iyon, ang direksyon ng agos nito, ang dami nito, o ang bilis nito. Ang Diyos lang ang nakaaalam. Itong iba’t ibang pinagmumulan ng tubig, mula sa tubig sa ilalim ng lupa hanggang sa mga nakikitang ilog at mga lawa sa ibabaw ng lupa, ay kaya ring isaayos ang temperatura ng kapaligiran na pinaninirahan ng mga tao. Bukod sa mga pinagmumulan ng tubig, mayroon ding lahat ng klase ng mga pormasyong heograpikal, gaya ng mga bundok, mga kapatagan, mga libis, at mga latian, na lahat ay nagsasaayos ng mga temperatura hanggang sa punto na kasukat ng kanilang heograpikal na saklaw at lugar. Halimbawa, kung ang isang bundok ay may sirkumperensiya na isang daang kilometro, mag-aambag ng isang daang kilometrong halaga ng kapakinabangan ang isang daang kilometrong iyon. Tungkol naman sa kung gaano karami lang ang gayong mga bulubundukin at mga libis na nilikha na ng Diyos sa mundo, ito ay isang numero na isinaalang-alang na ng Diyos. Sa madaling salita, sa likod ng pag-iral ng bawa’t isang bagay na nilikha ng Diyos, mayroong kuwento, at naglalaman ang bawa’t bagay ng karunungan at mga plano ng Diyos. Isaalang-alang, halimbawa, ang mga kagubatan at ang lahat ng iba’t ibang uri ng mga pananim—hindi kayang kontrolin ng kahit na sinong tao ang saklaw at ang lawak ng lugar kung saan umiiral at lumalago ang mga ito, at walang may karapatan sa mga bagay na ito. Gayundin, walang taong kayang kontrolin kung gaano karaming tubig ang nasisipsip ng mga ito, ni gaano karaming mainit na enerhiya mula sa araw ang nasisipsip ng mga ito. Lahat ng mga bagay na ito ay napapaloob sa saklaw ng plano na ginawa ng Diyos nang nilikha Niya ang lahat ng bagay.
Tanging dahil sa maingat na pagpaplano, pagsasaalang-alang, at pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng aspeto kaya nakapaninirahan ang tao sa isang kapaligiran na may gayong angkop na temperatura. Samakatuwid, bawa’t isang bagay na nakikita ng tao gamit ang kanyang mga mata, gaya ng araw, ang Polong Timog at Hilaga na madalas na naririnig ng mga tao, pati na rin ang iba’t ibang bagay na may buhay sa ibabaw at sa ilalim ng lupa at sa tubig, at ang lawak ng lugar na nasasakupan ng mga kagubatan at iba pang uri ng mga pananim, at mga pinagmumulan ng tubig, ang iba’t ibang uri ng anyong tubig, napakaraming tubig-alat at tubig-tabang, at iba’t ibang mga kapaligirang heograpikal—ginagamit ng Diyos ang lahat ng bagay na ito upang mapanatili ang normal na mga temperatura para sa kaligtasan ng buhay ng tao. Ito ay tiyak. Tanging dahil sa napag-isipan na nang mabuti ng Diyos ang tungkol sa lahat ng ito kaya nakapaninirahan ang tao sa isang kapaligirang may gayong angkop na mga temperatura. Hindi ito dapat maging masyadong malamig o masyadong mainit: Ang mga lugar na masyadong mainit, kung saan lumalampas ang mga temperatura sa kung ano lamang ang kayang pakibagayan ng katawan ng tao ay tiyak na hindi itinabi para sa iyo ng Diyos. Ang mga lugar na masyadong malamig, kung saan ang mga temperatura ay masyadong mababa, kung saan, pagkatapos makarating doon, lubusang maninigas ang mga tao sa loob lamang ng ilang minuto, na anupa’t hindi sila nakapagsasalita, nagyeyelo ang kanilang mga utak, hindi sila nakapag-iisip, at hindi magtatagal ay mahihirapang huminga—hindi rin itinabi ng Diyos ang gayong mga lugar para sa sangkatauhan. Anumang uri ng pananaliksik ang gustuhing isagawa ng mga tao, kahit gusto nilang magpabago o magpumilit na pasukin ang gayong mga limitasyon—anuman ang mga kaisipang mayroon ang mga tao, hindi nila kailanman malalampasan ang mga hangganan ng kung ano ang kayang pakibagayan ng katawan ng tao. Hindi nila kailanman maiwawaksi ang mga limitasyong ito na nilikha ng Diyos para sa tao. Ito ay dahil nilikha ng Diyos ang mga tao, at ang Diyos ang pinaka-nakaaalam kung ano ang mga temperatura na kayang pakibagayan ng katawan ng tao. Subali’t hindi alam ng mga tao mismo. Bakit Ko sinasabing hindi alam ng mga tao? Anong mga kahangalan ang nagawa na ng mga tao? Hindi ba maraming tao na ang patuloy na nagtatangkang hamunin ang Polong Hilaga at Timog? Palaging nais ng gayong mga tao na pumunta sa mga lugar na iyon upang sakupin ang lupain, nang makapanirahan sila roon. Magiging isang pagkilos ng kahangalan ito. Kahit pa lubusan mong nasaliksik na ang mga polo, pagkatapos ay ano na? Kahit na kaya mong makibagay sa mga temperatura at kayang mamuhay roon, magiging kapaki-pakinabang kaya sa sangkatauhan sa anumang paraan kung iyong “pahuhusayin” ang kasalukuyang kapaligiran para sa buhay ng mga Polong Timog at Hilaga? Mayroong kapaligiran ang sangkatauhan kung saan sila ay maaaring mabuhay, subali’t hindi nananatili roon ang mga tao nang tahimik at malugod, bagkus ay nagpupumilit na makipagsapalaran sa mga lugar kung saan hindi sila mabubuhay. Ano ang ibig sabihin nito? Nainip na sila at nawalan na ng pasensya sa buhay na ito na may angkop na temperatura, at nagtamasa na ng masyadong maraming pagpapala. Isa pa, halos ganap nang nasira ng sangkatauhan itong karaniwang kapaligiran ng buhay, kaya ngayon ay iniisip nila na kung ganoon din lamang ay mas mabuti pang pumunta sila sa mga Polong Timog at Hilaga upang gumawa ng higit pang pinsala o magtaguyod ng kung anong “layunin,” nang makapaghanap sila ng isang paraan ng “pagbubukas ng isang bagong daan.” Hindi ba ito kahangalan? Ibig sabihin, sa ilalim ng pamumuno ng kanilang ninunong si Satanas, patuloy na gumagawa ang sangkatauhang ito ng isang kakatwang bagay matapos ang isa pa, walang ingat at walang habas na winawasak ang magandang tahanang nilikha ng Diyos para sa kanila. Ito ang paggawa ni Satanas. Bukod dito, yamang nakikita na ang kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan sa mundo ay tila nanganganib, maraming tao ang naghahanap ng mga paraan upang makabisita sa buwan, ninanais na magtatag ng paraan upang mabuhay roon. Subali’t sa katapusan, walang oxygen sa buwan. Kaya bang mabuhay ng mga tao nang walang oxygen? Sapagka’t walang oxygen ang buwan, hindi ito isang lugar na makapamamalagi ang tao, gayunman ay nagpupumilit ang tao sa kanyang kagustuhan na pumunta roon. Ano ang dapat itawag sa pag-uugaling ito? Pagpapatiwakal din ito. Isang lugar na walang hangin ang buwan, at hindi angkop ang temperatura nito sa kaligtasan ng buhay ng tao—samakatuwid, hindi ito isang lugar na itinabi ng Diyos para sa tao.
Ang paksa natin ngayon-ngayon lang, ang temperatura, ay isang bagay na nakahaharap ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Isang bagay ang temperatura na kayang madama ng lahat ng katawan ng tao, nguni’t walang sinuman ang nag-iisip ng tungkol sa kung paano nagkaroon ng temperatura, o kung sino ang namamahala nito at kumokontrol nito na anupa’t angkop ito sa kaligtasan ng buhay ng tao. Ito ang pinag-aaralan natin ngayon. Napapaloob ba dito ang karunungan ng Diyos? Napapaloob ba dito ang pagkilos ng Diyos? (Oo.) Isinasaalang-alang na lumikha ang Diyos ng isang kapaligiran na may temperatura na angkop sa kaligtasan ng buhay ng tao, isa ba ito sa mga paraan kung paano nagtutustos ang Diyos sa lahat ng bagay? Ganoon nga.
c. Tunog
Ano ang ikatlong bagay? Isang bagay ito na mahalagang bahagi rin ng normal na kapaligiran ng pag-iral ng tao. Isang bagay kung saan kinailangang gumawa ng Diyos ng mga pagsasaayos nang nilikha Niya ang lahat ng bagay. Napakahalaga nito sa Diyos at sa bawa’t isang tao. Kung hindi inasikaso ng Diyos ang bagay na ito, lubhang nakagambala na sana ito sa kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan, nangangahulugan na malaki sana ang naging epekto nito sa buhay ng tao at sa kanyang makalamang katawan na hindi sana makakayang mabuhay ng sangkatauhan sa gayong kapaligiran. Masasabi na wala sanang bagay na may buhay ang makaliligtas sa gayong kapaligiran. Kung gayon, ano ang bagay na ito na sinasabi Ko? Tungkol sa tunog ang sinasabi Ko. Nilikha ng Diyos ang lahat, at nabubuhay ang lahat sa loob ng mga kamay ng Diyos. Lahat ng bagay na nilikha ng Diyos ay nabubuhay at umiikot nang patuloy na paggalaw sa loob ng Kanyang paningin. Ang ibig Kong sabihin dito ay ang bawa’t isang bagay na nilikha ng Diyos ay may halaga at kabuluhan sa pag-iral nito; ibig sabihin, may kung anong mahalaga tungkol sa pag-iral ng bawa’t isang bagay. Sa mga mata ng Diyos, buhay ang bawa’t bagay, at, yamang buhay ang lahat ng bagay, lumilikha ng tunog ang bawa’t isa sa mga ito. Halimbawa, ang mundo ay patuloy na umiikot, ang araw ay patuloy na umiikot, at ang buwan, gayundin, ay patuloy na umiikot. Habang nagpaparami, umuunlad, at gumagalaw ang lahat ng bagay, patuloy na naglalabas ng tunog ang mga ito. Patuloy sa pagpaparami, pag-unlad, at paggalaw ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos na umiiral sa mundo. Halimbawa, ang mga base ng mga bundok ay gumagalaw at nagbabago, at ang lahat ng bagay na may buhay sa kailaliman ng mga dagat ay lumalangoy at gumagalaw paroo’t parito. Ibig sabihin nito ay ang mga bagay na may buhay na ito, ang lahat ng bagay sa paningin ng Diyos, ay patuloy, regular na gumagalaw, alinsunod sa itinatag na mga tularan. Kung gayon, ano ang idinudulot na umiral ng lahat ng mga bagay na ito na nagpaparami at umuunlad sa karimlan at gumagalaw nang palihim? Mga tunog—malakas, makapangyarihang mga tunog. Sa ibayo ng planetang Lupa, patuloy ring kumikilos ang lahat ng klase ng mga planeta, at patuloy ring nagpaparami, umuunlad at gumagalaw ang mga bagay na may buhay at mga organismo sa mga planetang ito. Ibig sabihin, lahat ng bagay na may buhay at walang buhay ay patuloy na sumusulong sa paningin ng Diyos, at, habang sumusulong, naglalabas din ng tunog ang bawa’t isa sa mga ito. Gumawa na rin ng mga pagsasaayos ang Diyos para sa mga tunog na ito, at naniniwala Ako na alam na ninyo ang Kanyang dahilan para rito, hind ba? Kapag lumapit ka sa isang eroplano, ano ang epekto sa iyo ng dagundong ng makina nito? Kung mananatili ka malapit dito nang masyadong matagal, mabibingi ang iyong mga tainga. Paano naman ang iyong puso—matatagalan ba nito ang gayong paghihirap? Hindi ito makakaya ng ilang taong may mahihinang puso. Siyempre, kahit na ang may malalakas na puso ay hindi ito makakayanan nang napakatagal. Ibig sabihin noon, ang epekto ng tunog sa katawan ng tao, maging ito ay sa mga tainga o sa puso, ay lubhang mahalaga para sa bawa’t tao, at makasasama sa mga tao ang mga tunog na masyadong malakas. Samakatuwid, nang nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay at matapos magsimulang gumana nang normal ng mga ito, gumawa ang Diyos ng angkop na mga pagsasaayos para sa mga tunog na ito, ang mga tunog ng lahat ng bagay na gumagalaw. Ito, gayundin, ay isa sa mga bagay na kinailangang isaalang-alang ng Diyos nang lumilikha ng kapaligiran para sa sangkatauhan.
Una, ang taas ng atmospera mula sa ibabaw ng mundo ay may epekto sa tunog. Bukod pa rito, mamanipulahin at makaaapekto rin sa tunog ang laki ng mga puwang sa lupa. Pagkatapos ay nariyan pa ang iba’t ibang heograpikal na mga kapaligiran na ang pinagsasalubungan ay nakaaapekto rin sa tunog. Ibig sabihin, gumagamit ang Diyos ng partikular na mga pamamaraan upang alisin ang ilang tunog, nang ang mga tao ay maaaring mabuhay sa isang kapaligirang matatagalan ng kanilang mga tainga at mga puso. Kung hindi, magdudulot ang tunog ng napakalaking balakid sa kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan, nagiging isang malaking abala sa kanilang mga buhay at nagsisilbing isang matinding problema para sa kanila. Nangangahulugan ito na naging napakapartikular ng Diyos sa paglikha Niya ng lupa, ng atmospera, at ng iba’t ibang uri ng heograpikal na mga kapaligiran, at nakapaloob sa bawa’t isa sa mga ito ang karunungan ng Diyos. Hindi kinakailangang maging masyadong detalyado ang pagkaunawa rito ng sangkatauhan—sapat nang malaman ng mga tao na nakapaloob sa mga iyon ang mga pagkilos ng Diyos. Ngayon, sabihin ninyo sa Akin, itong gawain na ginawa ng Diyos—ang pagsasaayos nang husto sa tunog upang mapanatili ang kapaligirang pinaninirahan ng sangkatauhan at ang kanilang normal na mga buhay—kailangan ba ito? (Oo.) Kung ang gawaing ito ay kailangan, mula sa pananaw na ito, masasabi ba na ginamit ng Diyos ang gawaing ito bilang isang paraan upang tustusan ang lahat ng bagay? Nilikha ng Diyos ang gayong tahimik na kapaligiran para sa pagtustos sa sangkatauhan, upang magawang mabuhay nang normal sa loob nito ang katawan ng tao, nang hindi nakararanas ng anumang pagkagambala, at upang magawa ng sangkatauhan na umiral at mamuhay nang normal. Ito ba, kung gayon, ay hindi isa sa mga paraan kung paano tinutustusan ng Diyos ang sangkatauhan? Hindi ba napakahalagang bagay ng ginawang ito ng Diyos? (Oo.) Kinailangan ito nang malaki. Kaya paano ninyo pinahahalagahan ito? Kahit na hindi ninyo nararamdaman na ito ay pagkilos ng Diyos, ni alam kung paano ito isinagawa ng Diyos noong panahong iyon, nararamdaman pa rin ba ninyo ang pangangailangan ng paggawa ng Diyos sa bagay na ito? Nararamdaman ba ninyo ang karunungan at malasakit at kaisipang iginugol Niya rito? (Oo, nararamdaman namin.) Kung nararamdaman ninyo ito, sapat na iyon. Maraming pagkilos ang isinagawa na ng Diyos sa gitna ng mga bagay na Kanyang nilikha na hindi nararamdaman o nakikita man ng mga tao. Binabanggit Ko lamang ito upang ipaalam sa inyo ang tungkol sa mga pagkilos ng Diyos, nang maaaring makilala ninyo ang Diyos. Mga palatandaan ito na mas makatutulong sa inyo na makilala at maunawaan ang Diyos.
d. Liwanag
May kaugnayan sa mga mata ng mga tao ang ikaapat na bagay: ang liwanag. Napakahalaga rin nito. Kapag nakakita ka ng maliwanag na ilaw, at ang liwanag nito ay umaabot sa isang partikular na lakas, kaya nitong mabulag ang mga mata ng tao. Matapos ang lahat, ang mga mata ng tao ay mga mata ng laman. Hindi matitiis ng mga ito ang iritasyon. Mayroon bang nangangahas na tumingin nang direkta sa araw? Nasubukan na ito ng ilang tao, at kung may suot silang salaming pang-araw, nagagawa naman ito nang maayos—nguni’t nangangailangan iyon ng paggamit ng kasangkapan. Kung walang mga kasangkapan, walang kakayahan ang mismong mga mata ng tao na humarap sa araw at tumitig nang direkta dito. Gayunpaman, nilikha ng Diyos ang araw upang magdala ng liwanag sa sangkatauhan, gayundin, ay isang bagay na inasikaso ng Diyos. Hindi lamang basta tinapos ng Diyos na likhain ang araw, inilagak ito sa kung saan, at pagkatapos ay binalewala na ito; hindi ganoon ang paggawa ng Diyos sa mga bagay-bagay. Napakaingat Niya sa Kanyang mga pagkilos, at pinag-iisipan Niya nang husto ang mga ito. Nilikha ng Diyos ang mga mata para sa sangkatauhan upang makakita sila, at nauna na rin Niyang itinakda ang mga parametro ng liwanag kung saan nakikita ng mga tao ang mga bagay. Hindi magiging mabuti kung ang liwanang ay masyadong malamlam. Kapag masyadong madilim na hindi na kayang makita ng mga tao ang kanilang mga daliri sa kanilang harapan, nawalan na ng kanilang gamit ang kanilang mga mata at wala nang silbi. Subali’t ang ilaw na masyadong maliwanag ay kaparehong nagdudulot sa mga mata ng tao na hindi makakita ng mga bagay, dahil hindi-matatagalan ang liwanag. Samakatuwid, nagkaloob na ang Diyos sa kapaligiran kung saan umiiral ang sangkatauhan ng angkop na dami ng liwanag para sa mga mata ng tao—dami na hindi makasasakit o makapipinsala sa mga mata ng mga tao, lalo nang hindi magiging sanhi na mawala ang gamit ng mga ito. Ito ang dahilan kung bakit nagdagdag ang Diyos ng mga suson ng mga ulap sa palibot ng araw at ng mundo, at kung bakit ang densidad ng hangin ay nagagawang salain nang wasto ang mga uri ng liwanag na makasasakit sa mga mata o balat ng mga tao—magkatumbas ang mga ito. Dagdag pa rito, ang mga kulay ng daigdig na nilikha ng Diyos ay nagpapaaninag sa sikat ng araw at lahat ng uri ng liwanag, at nagagawang alisin ang mga uri ng liwanag na masyadong matindi para pakibagayan ng mga mata ng tao. Kaya, nakapaglalakad ang mga tao sa labas at nakapamumuhay nang malaya nang hindi palaging kailangan na magsuot ng napakadilim na salaming pang-araw. Sa normal na mga pagkakataon, nakikita ng mga mata ng tao ang mga bagay sa loob ng saklaw ng kanilang paningin nang hindi naaabala ng liwanag. Ibig sabihin noon, hindi makabubuti kung ang liwanag ay masyadong nakasisilaw, ni kung masyadong malamlam man ito. Kung ito ay masyadong malamlam, mapipinsala ang mga mata ng mga tao, at, matapos ang maikling paggamit, sira na; kung masyadong maliwanag ito, hindi ito matatagalan ng mga mata ng mga tao. Ang mismong liwanag na ito na mayroon ang mga tao ay dapat maging angkop upang makakita ang mga mata ng tao, at nagawa na ng Diyos, sa pamamagitan ng iba’t ibang pamamaraan, na mabawasan ang pinsalang dulot ng liwanag sa mga mata ng tao; at kahit na maaaring makabuti o makapagpasakit ang liwanag na ito sa mga mata ng tao, sapat na ito upang hayaan ang mga tao na marating ang hangganan ng kanilang mga buhay nang napananatili ang gamit ng kanilang mga mata. Hindi ba naging masinsinan ang pagsasaalang-alang ng Diyos dito? Subali’t ang diyablo, si Satanas, ay kumikilos nang walang gayong mga pagsasaalang-alang na pumasok sa isipan nito kailanman. Kay Satanas, ang liwanag ay palaging masyadong maliwanag o di kaya naman ay masyadong malamlam. Ganito kumilos si Satanas.
Ginawa ng Diyos ang mga bagay na ito sa lahat ng aspeto ng katawan ng tao—sa paningin nito, pandinig, panlasa, paghinga, mga pakiramdam, at iba pa—upang magamit nang husto ang kakayahan ng sangkatauhan na makibagay para sa kaligtasan ng buhay, upang makapamuhay sila nang normal at makapagpatuloy na magawa iyon. Sa madaling sabi, ang kasalukuyang kapaligiran para sa buhay, na nilikha ng Diyos, ay ang kapaligirang pinaka-angkop at kapaki-pakinabang para sa kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan. Maaaring isipin ng ilang tao na hindi ito gaanong mahalaga, at na ang lahat ng ito ay napaka-ordinaryo lamang na bagay. Ang tunog, liwanag, at hangin ay mga bagay na pakiramdam ng mga tao ay kasama na sa kanilang karapatan ng pagkapanganak, na tinamasa na nila mula sa sandali ng kanilang kapanganakan. Nguni’t sa likod ng mga bagay na ito na iyong tinatamasa, dati nang gumagawa ang Diyos; isang bagay ito na kailangang maunawaan ng mga tao, isang bagay na kailangan nilang malaman. Hindi mahalaga kung pakiramdam mo man ay hindi na kailangan pang maunawaan ang mga bagay na ito o malaman ang mga ito, sa madaling salita, nang nilikha ng Diyos ang mga ito, pinag-isipan Niyang mabuti ang mga ito, mayroon Siyang plano, mayroon Siyang tiyak na mga ideya. Hindi Niya inilagay nang walang kapararakan o basta-basta ang sangkatauhan sa gayong kapaligiran para sa buhay, nang hindi man lang ito pinag-iisipan. Maaaring iniisip ninyo na nagsalita na Ako nang pagkadaki-dakila tungkol sa bawa’t isa sa maliliit na bagay na ito, nguni’t sa Aking pananaw, kinakailangan para sa kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan ang bawa’t bagay na ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan. Mayroong pagkilos ng Diyos dito.
e. Daloy ng Hangin
Ano ang ikalimang bagay? May malapit na kaugnayan ang bagay na ito sa bawa’t araw ng buhay ng bawa’t tao. Napakalapit ng kaugnayan nito sa buhay ng tao na kung wala ito ay hindi kayang mabuhay ng katawan ng tao sa materyal na mundong ito. Ang bagay na ito ay ang daloy ng hangin. Marahil ay nauunawaan ng sinuman ang pangngalang “daloy na hangin” pagkarinig pa lang dito. Kung gayon, ano ang daloy ng hangin? Masasabi na ang “daloy ng hangin” ay ang dumadaloy na paggalaw lamang ng hangin. Ang daloy ng hangin ay ang hangin na hindi nakikita ng mata ng tao. Isang daan rin ito kung saan gumagalaw ang mga gas. Subali’t sa usapang ito, ano ang pangunahing tinutukoy ng “daloy ng hangin”? Sa sandaling sabihin Ko ito, mauunawaan ninyo kaagad. Pasan ng mundo ang mga bundok, ang mga dagat, at ang lahat ng bagay na nilikha habang ito ay umiikot, at kapag ito ay umiikot, umiikot ito nang may bilis. Kahit na hindi mo nararamdaman ang anuman sa pag-ikot na ito, umiiral pa rin ang pag-ikot ng mundo. Ano ang ibinubunga ng pag-ikot nito? Kapag tumatakbo ka, hindi ba nagkakaroon ng hangin at mabilis na lumalampas sa iyong mga tainga? Kung nalilikha ang hangin kapag tumatakbo ka, paanong hindi nagkakaroon ng hangin kapag umiikot ang mundo? Kapag umiikot ang mundo, gumagalaw ang lahat ng bagay. Ang mundo mismo ay gumagalaw at umiikot sa isang partikular na bilis, habang ang lahat ng bagay dito ay patuloy ring nagpaparami at umuunlad. Samakatuwid, natural na magdudulot ng daloy ng hangin ang paggalaw sa isang partikular na bilis. Ito ang ibig Kong sabihin sa “daloy ng hangin.” Hindi ba nakaaapekto ang daloy ng hangin na ito sa katawan ng tao sa isang partikular na punto? Isaalang-alang ang mga bagyo: Hindi ganoon kalakas ang regular na mga bagyo, nguni’t kapag nananalasa ang mga ito, hindi man lang makatayo nang maayos ng mga tao, at mahirap para sa kanila na maglakad sa hangin. Mahirap ang kahit na isang hakbang, at maaari pa ngang maitulak ng hangin ang ilang tao sa kung anong bagay, at hindi makagalaw. Isa ito sa mga paraan kung paano nakaaapekto ang daloy ng hangin sa sangkatauhan. Kung ang buong mundo ay binalot ng mga kapatagan, kapag umikot ang mundo at lahat ng bagay, lubos na hindi makatatagal ang katawan ng tao sa daloy ng hanging likha noon. Magiging masyadong mahirap na tumugon sa gayong sitwasyon. Kung naging ganito talaga, hindi lamang pinsala ang maidudulot sa sangkatauhan ng gayong daloy ng hangin, kundi ganap na pagkawasak. Hindi magagawang mabuhay ng mga tao sa gayong kapaligiran. Ito ang dahilan kung bakit lumikha ang Diyos ng iba’t ibang kapaligirang heograpikal upang lutasin ang gayong mga daloy ng hangin—sa magkakaibang kapaligiran, ang mga daloy ng hangin ay humihina, nagbabago ng direksyon, nagbabago ng kanilang bilis, at nagbabago ng kanilang lakas. Ito ang dahilan kung bakit nakakikita ang mga tao ng iba’t ibang katangiang heograpikal, gaya ng mga bundok, naglalakihang bulubundukin, mga kapatagan, mga burol, mga lunas, mga lambak, mga talampas, at malalaking ilog. Sa pamamagitan ng iba’t ibang katangiang heograpikal na ito, binabago ng Diyos ang bilis, direksyon, at lakas ng daloy ng hangin. Ito ang pamamaraan na Kanyang ginagamit upang bawasan o manipulahin ang daloy ng hangin tungo sa isang hangin na may bilis, direksyon, at lakas na angkop, upang maaaring magkaroon ang mga tao ng isang normal na kapaligirang mapaninirahan. Kailangan ba ito? (Oo.) Tila mahirap para sa mga tao ang paggawa ng bagay na gaya nito, nguni’t madali ito para sa Diyos, dahil pinagmamasdan Niya ang lahat ng bagay. Para sa Kanya, wala nang mas isisimple o mas idadali ang paglikha ng isang kapaligiran na may angkop na daloy ng hangin para sa sangkatauhan. Samakatuwid, sa gayong kapaligirang nilikha ng Diyos, kailangang-kailangan ang bawa’t isang bagay sa loob ng lahat ng Kanyang nilikha. Mayroong halaga at pangangailangan sa pag-iral ng bawa’t isang bagay. Gayunpaman, ang prinsipyong ito ay hindi nauunawaan ni Satanas o ng sangkatauhan na nagawa nang tiwali. Patuloy silang naninira at nagpapalago at nagsasamantala, nang may walang saysay na mga pangarap na gawing patag na lupa ang mga bundok, tambakan ang malalalim na libis, at magtayo ng mga gusaling tukudlangit sa patag na lupa upang lumikha ng kongkretong mga kagubatan. Umaasa ang Diyos na makapamumuhay nang masaya ang sangkatauhan, lumago nang masaya, at gugulin ang bawa’t araw nang masaya sa pinaka-angkop na kapaligiran, na Kanyang inihanda na para sa kanila. Kaya naman hindi kailanman naging pabaya ang Diyos pagdating sa pakikitungo Niya sa kapaligirang pinaninirahan ng sangkatauhan. Mula sa temperatura hanggang sa hangin, mula sa tunog hanggang sa liwanag, gumawa na ang Diyos ng mabusising mga plano at pagsasaayos, upang hindi makaranas ng anumang pagkagambala mula sa natural na mga kalagayan ang mga katawan ng mga tao at ang kapaligirang kanilang pinaninirahan, at na sa halip, magagawa ng sangkatauhan na mabuhay at magpakarami nang normal, at manirahan nang normal kasama ang lahat ng bagay nang magkakasundong umiiral. Lahat ng ito ay ibinibigay ng Diyos sa lahat ng bagay at sa sangkatauhan.
Sa paraan kung paano isinaayos ng Diyos ang limang saligang mga kalagayan para sa kaligtasan ng buhay ng tao, nakikita ba kung paano Siya nagtutustos sa sangkatauhan? (Oo.) Ibig sabihin, ang Diyos ang Lumikha ng lahat ng pinakasaligang mga kalagayan para sa kaligtasan ng buhay ng tao, at pinamamahalaan at kinokontrol din ng Diyos ang mga bagay na ito; kahit ngayon, matapos ang libu-libong taon ng pag-iral ng tao, patuloy pa ring gumagawa ng mga pagbabago ang Diyos sa kanilang kapaligirang pinaninirahan, ibinibigay sa kanila ang pinakamainam at pinaka-angkop na kapaligiran upang mapanatili nang karaniwan ang kanilang mga buhay. Gaano katagal mapananatili ang gayong sitwasyon? Sa madaling salita, hanggang kailan magpapatuloy ang Diyos sa pagbibigay ng gayong kapaligiran? Hanggang lubusan nang matapos ng Diyos ang Kanyang gawain ng pamamahala. Pagkatapos, babaguhin ng Diyos ang kapaligirang pinaninirahan ng sangkatauhan. Maaaring gagawin Niya ang mga pagbabagong ito gamit ang parehong mga pamamaraan, o maaaring gamit ang ibang pamamaraan. Ngunit ang talagang dapat malaman ng mga tao ngayon ay na patuloy na nagtutustos ang Diyos para sa mga pangangailangan ng sangkatauhan; pinamamahalaan ang kapaligirang pinaninirahan ng sangkatauhan; at pinangangalagaan, iniingatan, at pinananatili ang kapaligirang iyon. Sa gayong kapaligiran, nagagawa ng hinirang na mga tao ng Diyos na mamuhay nang karaniwan at tanggapin ang pagliligtas at pagkastigo at paghatol ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay nagpapatuloy na mabuhay dahil sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at patuloy na sumusulong ang buong sangkatauhan dahil sa gayong pagtutustos mula sa Diyos.
Nagdulot na ba sa inyo ng anumang bagong mga kaisipan ang huling bahaging ito ng ating pagbabahagi? Nababatid na ba ninyo ngayon ang pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan? Sa huli, sino ba ang panginoon ng lahat ng bagay? Tao ba? (Hindi.) Kung gayon ay ano ang pagkakaiba sa pagitan ng kung paano pinakikitunguhan ng Diyos at ng mga tao ang lahat ng nilikha? (Pinamamahalaan at isinasaayos ng Diyos ang lahat ng bagay, habang tinatamasa ng tao ang mga ito.) Sumasang-ayon ba kayo dito? Ang pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan ay ang Diyos ang namamahala at nagtutustos sa lahat ng nilikha. Siya ang pinagmumulan ng lahat, at habang nagtutustos ang Diyos sa lahat ng nilikha, tinatamasa ito ng sangkatauhan. Ibig sabihin, tinatamasa ng tao ang lahat ng bagay na nilikha kapag tinatanggap niya ang buhay na ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng bagay. Ang Diyos ang Panginoon, at tinatamasa ng sangkatauhan ang mga bunga ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay. Ano, kung gayon, mula sa pananaw ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, ang pinagkaiba ng Diyos at ng sangkatauhan? Malinaw na nakikita ng Diyos ang mga batas kung paano lumalago ang lahat ng bagay, at kinokontrol at pinangingibabawan Niya ang mga batas na ito. Ibig sabihin, ang lahat ng bagay ay nasa paningin ng Diyos at nasa loob ng saklaw ng Kanyang pagsusuri. Nakikita ba ng sangkatauhan ang lahat ng bagay? Limitado ang nakikita ng sangkatauhan sa kung ano ang direktang nasa harapan nila. Kung umakyat ka ng bundok, ang bundok lamang na iyon ang iyong nakikita. Hindi mo nakikita ang nasa kabilang panig ng bundok. Kung pumunta ka sa dalampasigan, isang panig lamang ng karagatan ang nakikita mo, at hindi mo nalalaman kung ano ang hitsura ng kabilang panig ng karagatan. Kung pumunta ka sa isang gubat, nakikita mo ang mga pananim sa harapan mo at sa paligid mo, nguni’t hindi mo nakikita kung ano ang nasa banda pa roon. Hindi kayang makita ng mga tao ang mga lugar na mas mataas, mas malayo, mas malalim. Ang lahat ng kanilang nakikita ay kung ano lang ang direktang nasa harapan nila, sa loob ng kanilang abot-tanaw. Kahit na alam ng mga tao ang batas na umaatas sa apat na panahon ng taon, o ang mga batas kung paano lumalago ang lahat ng bagay, hindi pa rin nila kayang pamahalaan o atasan ang lahat ng bagay. Subali’t ang paraan kung paano nakikita ng Diyos ang lahat ng bagay ay gaya ng kapag nakikita Niya ang isang makina na Siya Mismo ang gumawa. Lubos na pamilyar Siya sa bawa’t bahagi at bawa’t koneksyon, kung ano ang mga prinsipyo ng mga ito, kung ano ang mga tularan ng mga ito, at kung ano ang mga layon ng mga ito—alam ng Diyos ang lahat ng ito nang may pinakamataas na antas ng kalinawan. Kaya naman ang Diyos ay Diyos, at ang tao ay tao! Bagaman maaaring malalim na magsaliksik ang tao sa agham at sa mga batas na namamahala sa lahat ng bagay, limitado ang saklaw ng pagsasaliksik na iyon, samantalang kinokontrol ng Diyos ang lahat, na para sa tao, ay isang walang hanggang kontrol. Maaaring gugulin ng tao ang buong buhay niya sa pagsasaliksik sa pinakamaliit na gawa ng Diyos nang walang nakakamtang anumang totoong mga resulta. Ito ang dahilan, kung gamit mo lang ay kaalaman at kung ano ang iyong natutuhan upang pag-aralan ang Diyos, hindi mo kailanman makikilala ang Diyos o mauunawaan Siya. Subali’t kung piliin mo ang daan ng paghahanap sa katotohanan at paghahanap sa Diyos, at tingnan ang Diyos mula sa pananaw ng pagkilala sa Kanya, isang araw, makikilala mo na ang mga gawa at karunungan ng Diyos ay nasa lahat ng dako, at malalaman mo kung bakit tinatawag ang Diyos na Panginoon ng lahat ng bagay at ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay. Habang mas nagkakamit ka ng gayong pagkaunawa, mas mauunawaan mo rin kung bakit tinatawag ang Diyos na Panginoon ng lahat ng bagay. Ang lahat ng bagay at ang lahat-lahat, kabilang ka, ay patuloy na tumatanggap ng walang-humpay na pagtustos ng Diyos. Magagawa mo ring maramdaman nang malinaw na sa mundong ito, at sa sangkatauhang ito, walang sinuman maliban sa Diyos ang maaaring magkaroon ng kakayahan at ng diwa Niya na mamuno, mamahala, at magpanatili ng pag-iral ng lahat ng bagay. Kapag dumating ka sa pagkaunawang ito, tunay mong kikilalanin na ang Diyos ay ang iyong Diyos. Kapag narating mo ang puntong ito, tunay mong tatanggapin ang Diyos at hahayaan Siyang maging iyong Diyos at iyong Panginoon. Kapag natamo mo na ang gayong pagkaunawa at sumapit na ang iyong buhay sa gayong punto, hindi ka na susubukin at hahatulan pa ng Diyos, ni hihingi Siya ng anuman mula sa iyo, dahil mauunawaan mo ang Diyos, makikilala ang Kanyang puso, at tunay na tatanggapin ang Diyos sa iyong puso. Isang mahalagang dahilan ito upang magbahagi sa mga paksang ito ng pangingibabaw at pamamahala ng Diyos sa lahat ng bagay. Ang paggawa nito ay upang magbigay sa mga tao ng mas marami pang kaalaman at pagkaunawa—hindi lamang upang kilalanin mo, bagkus ay upang makilala at maunawaan mo ang mga pagkilos ng Diyos sa mas praktikal na paraan.
Ang Pang-araw-araw na Pagkain at Inuming Inihahanda ng Diyos Para sa Sangkatauhan
Ngayon-ngayon lang, pinag-usapan natin ang tungkol sa isang bahagi ng kapaligiran sa kabuuan, iyon ay, ang mga kundisyong kinakailangan para sa kaligtasan ng buhay ng tao, na inihanda ng Diyos nang nilikha Niya ang mundo. Pinag-usapan natin ang tungkol sa limang bagay, limang elemento ng kapaligiran. May malapit na kaugnayan ang ating susunod na paksa sa pisikal na buhay ng bawa’t tao, at mas angkop ito sa buhay na iyon at isang mas malaking katuparan ng kinakailangan nitong mga kundisyon kaysa sa nakaraang lima. Samakatuwid nga, ito ang pagkaing kinakain ng mga tao. Nilikha ng Diyos ang tao at inilagay siya sa isang angkop na kapaligirang paninirahan; pagkatapos, kinailangan ng tao ang pagkain at tubig. Nagkaroon ang tao ng ganitong pangangailangan, kaya gumawa ang Diyos ng naaangkop na mga paghahanda para sa kanya. Samakatuwid, ang bawa’t hakbang ng gawain ng Diyos at ang bawa’t bagay na ginagawa Niya ay hindi hungkag na mga salitang binibigkas, bagkus ay tunay, praktikal na pagkilos na isinasagawa. Hindi ba’t kailangang-kailangan ang pagkain sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao? Mas mahalaga ba ang pagkain kaysa sa hangin? Magkasinghalaga ang mga ito. Kapwa mga kinakailangang kundisyon at mga substansiya para sa kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan at para mapangalagaan ang pagpapatuloy ng buhay ng tao. Alin ang mas mahalaga—hangin, o tubig? Temperatura, o pagkain? Magkakasinghalaga ang mga ito. Hindi maaaring mamili ang mga tao sa mga ito sapagka’t hindi maaaring mawala sa kanila ang anuman sa mga ito. Isa itong tunay, praktikal na usapin, hindi isa sa iyong mga pagpili sa pagitan ng mga bagay-bagay. Hindi mo alam, nguni’t alam ng Diyos. Kapag nakakakita ka ng pagkain, iniisip mong, “Hindi ko kayang walang pagkain!” Subali’t pagkatapos na pagkatapos kang likhain, alam mo ba noon na kailangan mo ng pagkain? Hindi mo alam, nguni’t alam ng Diyos. Noon lang nagutom ka at nakakita ng bunga sa mga puno at butil sa lupa para iyong kainin na iyong napagtantong kailangan mo ng pagkain. Noon lang nauhaw ka at nakakita ng bukal ng tubig—noon lang uminom ka na iyong napagtantong kailangan mo ng tubig. Patiuna nang inihanda ng Diyos ang tubig para sa sangkatauhan. Ang pagkain, hindi mahalaga kung ang isang tao ay kumakain sa isang araw nang tatlo o dalawang beses, o maging higit pa, ay, sa madaling sabi, isang bagay na hindi maaaring mawala sa mga tao sa kanilang pang-araw-araw na mga buhay. Isa ito sa mga bagay na kailangan upang mapanatili ang normal, nagpapatuloy na kaligtasan ng buhay ng katawan ng tao. Kung gayon, saan nagmumula ang karamihan sa mga pagkain? Una, nagmumula ito sa lupa. Patiuna nang inihanda ng Diyos ang lupa para sa sangkatauhan, at angkop ito para sa kaligtasan ng buhay ng maraming uri ng mga halaman, hindi lamang mga puno o damo. Inihanda ng Diyos para sa sangkatauhan ang mga buto ng lahat ng uri ng mga butil at mga buto ng iba’t iba pang pagkain, at binigyan Niya ang sangkatauhan ng angkop na lupa at lupain para tamnan, at sa pamamagitan ng mga bagay na ito, nakakukuha ng pagkain ang sangkatauhan. Ano ang iba’t ibang uri ng pagkain? Marahil ay alam na ninyo. Una, nariyan ang iba’t ibang butil. Ano ang iba’t ibang uri ng butil na mayroon? Trigo, dawang foxtail, dawang malagkit, dawang proso, at iba pang uri ng tinalupang butil. Ang mga binutil, gayundin, ay mayroong lahat ng uri, na may sari-saring klase mula sa timog hanggang sa hilaga: sebada, trigo, obena, bakwit, at iba pa. Iba’t ibang uri ang naaangkop na linangin sa iba’t ibang rehiyon. Mayroon ding iba’t ibang uri ng bigas. Ang timog ay mayroong sarili nitong sari-saring klase, na mas mahahabang butil at angkop sa mga tao mula sa timog dahil ang klima ay mas mainit doon, kailangan nilang kumain ng mga klase na gaya ng bigas na indica, na hindi masyadong malagkit. Hindi maaaring maging masyadong malagkit ang kanilang bigas kundi ay mawawalan sila ng gana at hindi masisikmura ito. Mas malagkit ang kinakaing bigas ng mga taga-Hilaga, sapagka’t ang hilaga ay laging malamig, dapat kumain ang mga tao roon ng mas malagkit na mga pagkain. Sunod, mayroon ding maraming klase ng patani, na tumutubo sa ibabaw ng lupa, at laman-lupang mga gulay na tumutubo sa ilalim ng lupa, gaya ng mga patatas, kamote, gabi, at marami pang iba. Tumutubo ang mga patatas sa hilaga, kung saan napakaganda ng kalidad ng mga ito. Kapag walang makaing butil ang mga tao, ang mga patatas, bilang isang pangunahing pagkain, ay maaari silang mapanatili na kumakain nang tatlong beses sa isang araw. Maaari ring maging reserbang pagkain ang mga patatas. Hindi kasing-ganda ng mga patatas ang mga kamote pagdating sa kalidad, nguni’t maaari pa ring magamit ang mga ito bilang pangunahing pagkain upang makumpleto ang tatlong pang-araw-araw na pagkain. Kapag mahirap makakuha ng mga butil, maiiwasan ng mga tao ang gutom sa pamamagitan ng mga kamote. Ang gabi, na kadalasang kinakain ng mga tao sa timog, ay maaari ring gamitin sa parehong paraan, at maaari ring magsilbing pangunahing pagkain. Iyan ang maraming iba’t ibang pananim, na kinakailangang mga bahagi ng pang-araw-araw na pagkain at inumin ng mga tao. Gumagamit ang mga tao ng iba’t ibang butil upang gumawa ng tinapay, siopao, noodles, kanin, bihong gawa sa bigas, at iba pang mga bagay. Saganang ipinagkaloob na ng Diyos ang iba’t ibang uri ng mga butil na ito sa sangkatauhan. Kung bakit mayroong napakaraming sari-saring klase ay isang bagay na may kaugnayan sa kalooban ng Diyos: Naaangkop ang mga ito na palaguin sa iba’t ibang lupa at klima ng hilaga, timog, silangan, at kanluran; habang tumutugon ang iba’t iba nitong komposisyon at nilalaman sa iba’t ibang komposisyon at nilalaman ng katawan ng tao. Tanging sa pagkain ng mga butil na ito mapananatili ng mga tao ang iba’t ibang sustansiya at substansiyang kinakailangan ng kanilang mga katawan. Magkaiba ang pagkaing hilaga at pagkaing timog, nguni’t mas marami ang pagkakatulad ng mga ito kaysa sa pagkakaiba. Kapwa kayang masapatan ang regular na mga pangangailangan ng katawan ng tao at suportahan ang normal na kaligtasan ng buhay nito. Kaya, napakarami ng uring ibinubunga sa bawa’t rehiyon dahil kailangan ng pisikal na katawan ng mga tao ang ibinibigay ng iba’t ibang pagkaing ito—kailangan nilang matustusan ng iba’t ibang pagkaing ito na pinalago mula sa lupa upang mapanatili ang normal na pag-iral ng katawan, na maaari silang magkaroon ng normal na buhay ng tao. Sa madaling sabi, naging napakamapagsaalang-alang ang Diyos sa sangkatauhan. Hindi pare-pareho ang iba’t ibang pagkaing ipinagkaloob ng Diyos sa mga tao—sa kabaligtaran, napakalawak ng saklaw ng mga ito. Kung gusto ng mga tao na kumain ng mga binutil, makakakain sila ng mga binutil. Mas gusto ng ilang tao ang kanin kaysa sa trigo, at, kapag ayaw ng trigo, makakakain sila ng kanin. Mayroong lahat ng uri ng bigas—mahabang butil, maliit na butil—at kaya ng bawa’t isa na mapasiyahan ang mga panlasa ng mga tao. Samakatuwid, kung kumain ang mga tao ng mga butil na ito—hanggang hindi sila masyadong mapili sa kanilang pagkain—hindi sila magkukulang sa nutrisyon at siguradong mamumuhay nang malusog hanggang sila ay mamatay. Iyon ang ideyang nasa isip ng Diyos nang pinagkalooban Niya ng pagkain ang sangkatauhan. Hindi maaaring wala ng mga bagay na ito ang katawan ng tao—hindi ba iyon ang realidad? Mga praktikal itong problema na hindi kayang lutasin ng mga tao nang mag-isa, nguni’t nakahanda ang Diyos para sa kanila: Pinag-isipan Niya ang mga ito nang patiuna at gumawa ng mga paghahanda para sa sangkatauhan.
Subali’t hindi lang iyon ang ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan—binigyan Niya rin ng mga gulay ang sangkatauhan! Kapag kumakain ka ng kanin, kung iyon lang ang kinakain mo, at wala nang iba pa, maaaring magkulang sa nutrisyon. Sa kabilang banda, kung magprito ka ng kaunting gulay o maghalo ng ensalada upang kaining kasama ng mga pagkain, natural na masasapatan ng mga bitamina sa mga gulay at ng iba’t ibang tig-kakaunting mga elemento at iba pang sustansiya ng mga ito ang mga pangangailangan ng katawan. At makakakain din ang mga tao ng kaunting prutas tuwing meryenda. Minsan, kailangan ng mga tao ng mas maraming likido o iba pang sustansiya o iba’t ibang lasa, at nariyan ang mga prutas at gulay upang tugunan ang mga pangangailangang ito. Dahil magkakaiba ang mga lupa at klima sa hilaga, timog, silangan at kanluran, sari-saring klase ng mga prutas at gulay ang ibinubunga ng mga ito. Dahil ang klima sa timog ay masyadong mainit, karamihan sa mga prutas at gulay roon ay pampalamig na uri, na, matapos makain, ay kayang balansehin ang lamig at init sa katawan ng tao. Sa kabaligtaran, mayroong mas kakaunting klase ng mga gulay at prutas sa hilaga, nguni’t sapat pa rin upang tamasahin ng mga taga-roon. Gayunpaman, dahil sa mga pag-unlad sa lipunan nitong nakaraang mga taon at sa tinatawag na panlipunang pagsulong, pati na rin ang mga pagpapabuti sa komunikasyon at transportasyon na nag-uugnay sa hilaga, timog, silangan, at kanluran, nakakakain na rin ang mga tao sa hilaga ng ilang prutas at gulay mula sa timog, o mga produktong panrehiyon mula sa timog, at magagawa nila iyon sa lahat ng apat na panahon ng taon. Bagaman kaya nitong mapasiyahan ang gana sa pagkain at materyal na mga pagnanasa ng mga tao, sumasailalim ang kanilang mga katawan sa iba-ibang antas ng pinsala nang hindi sinasadya. Ito ay dahil, sa mga pagkaing inihanda ng Diyos para sa sangkatauhan, mayroong mga pagkain at mga prutas at mga gulay na ukol sa mga tao sa timog, at mayroon ding mga pagkain at mga prutas at mga gulay na ukol sa mga tao sa hilaga. Ibig sabihin, kung ipinanganak ka sa timog, angkop para sa iyo ang pagkain ng mga bagay mula sa timog. Partikular na inihanda ng Diyos ang mga pagkain at mga prutas at mga gulay na ito dahil may partikular na klima ang timog. Ang hilaga ay mayroong pagkain na kailangan para sa mga katawan ng mga tao sa hilaga. Subali’t dahil may matakaw na gana sa pagkain ang mga tao, di-namamalayang pinahintulutan na nila ang kanilang mga sarili na magpadala sa daloy ng bagong mga panlipunang kalakaran, at wala silang kamalay-malay na lumalabag sa mga batas na ito. Kahit na pakiramdam ng mga tao ay mas mabuti ang kanilang mga buhay kaysa sa nakalipas, nagdudulot ang ganitong uri ng panlipunang pagsulong ng natatagong kapinsalaan sa mga katawan ng mas dumarami pang bilang ng mga tao. Hindi ito ang gustong makita ng Diyos, at hindi ito ang nilayon Niya nang ibinigay Niya sa sangkatauhan ang mga pagkain, mga prutas, at mga gulay na ito. Ang mga tao mismo ang naging sanhi ng kasalukuyang sitwasyon sa pamamagitan ng paglabag sa mga batas ng Diyos.
Bukod pa man sa lahat ng iyon, tunay na mayaman sa kasaganaan ang yamang ibinigay na ng Diyos sa sangkatauhan, at may sariling lokal na produkto ang bawa’t lugar. Halimbawa, mayaman ang ilang lugar sa pulang mga datiles (na kilala rin bilang mga dyudyube), mayaman ang iba sa mga nogales, at mayaman naman ang iba sa mga mani o iba pang uri ng mga nuwes. Nagbibigay ang lahat ng materyal na bagay na ito ng mga sustansiyang kailangan ng katawan ng tao. Subali’t nagtutustos ang Diyos sa sangkatauhan ng mga bagay sa tamang dami at sa tamang oras, ayon sa panahon at petsa ng taon. Nag-iimbot ang sangkatauhan ng pisikal na mga kasiyahan at matakaw, na ginagawang madali na labagin at pinsalain ang likas na mga batas ng paglago ng tao na Kanyang itinatag nang nilikha Niya ang sangkatauhan. Kunin natin bilang halimbawa ang seresa. Nahihinog ang mga ito sa bandang Hunyo. Sa ilalim ng normal na mga kalagayan, pagsapit ng Agosto, wala nang natitirang seresa. Mapananatiling sariwa ang mga seresa sa loob lamang ng dalawang buwan, nguni’t, gamit ang siyentipikong mga pamamaraan, kaya na ngayon ng mga tao na pahabain ang panahong iyon sa labindalawang buwan, kahit hanggang sa panahon ng mga seresa sa susunod na taon. Nangangahulugan ito na may mga seresa sa buong taon. Normal ba ang kababalaghang ito? (Hindi.) Kung gayon ay kailan ang pinakamagandang panahon upang kumain ng mga seresa? Iyon ay ang panahon mula Hunyo hanggang Agosto. Pagkalipas ng panahong ito, kahit gaano kasariwa mo pinananatili ang mga seresa, hindi pareho ang kanilang lasa, at hindi rin nagbibigay ang mga ito ng kung ano ang kinakailangan ng katawan ng tao. Sa oras na lumipas na ang petsa ng pagkasira, kahit anong mga kemikal ang iyong gamitin, hindi mo mapupuspos ang mga ito ng lahat ng mayroon ito kapag pinalago nang natural. Dagdag pa rito, isang bagay ang pinsala na dulot ng mga kemikal sa mga tao na walang sinuman ang makalulutas o makapagbabago, anuman ang subukan nila. Kaya, ano ang dinadala ng kasalukuyang ekonomiya ng pamilihan sa mga tao? Tila mas mabuti ang mga buhay ng mga tao, naging napakadali ng transportasyon sa pagitan ng mga rehiyon, at nakakakain ang mga tao ng lahat ng klase ng mga prutas sa anuman sa apat na panahon ng taon. Palaging nakakakain ang mga tao sa hilaga ng mga saging, pati na rin ng anumang masasarap na panrehiyong pagkain, prutas, o iba pang pagkaing mula sa timog. Subali’t hindi ito ang buhay na nais ibigay ng Diyos sa sangkatauhan. Maaaring magdala ng ilang benepisyo sa buhay ng mga tao ang ganitong klase ng ekonomiya ng pamilihan, nguni’t makapagdadala rin ito ng pinsala. Dahil sa kasaganaan sa pamilihan, maraming tao ang kumakain nang hindi nag-iisip tungkol sa kung ano ang inilalagay nila sa kanilang mga bibig. Nilalabag ng pag-uugaling ito ang mga batas ng kalikasan, at nakapipinsala ito sa kalusugan ng mga tao. Kaya, hindi nakapagdudulot ang ekonomiya ng pamilihan ng tunay na kasiyahan sa mga tao. Tingnan ninyo mismo. Hindi ba ibinebenta ang mga ubas sa pamilihan sa lahat ng apat na panahon ng taon? Sa katunayan, nananatili lamang na sariwa ang mga ubas sa loob ng napakaikling panahon matapos pitasin ang mga ito. Kung itago mo ang mga ito hanggang sa susunod na Hunyo, matatawag pa bang ubas ang mga ito? O mas mabuti bang tawaging “basura” ang mga ito? Hindi lamang sa kulang ang mga ito ng substansiya ng isang sariwang ubas—mas marami ring kemikal ang mga ito. Matapos ang isang taon, hindi na sariwa ang mga ito, at matagal nang nawala ang mga sustansiyang mayroon ito dati. Kapag kumakain ang mga tao ng ubas, ganito ang kanilang pakiramdam: “Napakasuwerte natin! Makakakain ba tayo ng mga ubas sa panahong ito tatlumpung taon ang nakalilipas? Hindi maaari, kahit na gusto mo! Kay-inam ng buhay ngayon!” Kasiyahan ba talaga ito? Kung interesado, makapagsasagawa ng sariling pananaliksik tungkol sa inimbak na mga ubas gamit ang kemikal at tingnan lang kung ano ang bumubuo sa mga ito at kung ang mga substansiyang ito ay makabubuti ba sa mga tao. Sa Kapanahunan ng Kautusan, habang naglalakbay ang mga Israelita matapos lisanin ang Ehipto, binigyan sila ng Diyos ng pugo at mana. Subali’t pinahintulutan ba ng Diyos ang mga tao na imbakin ang mga pagkaing ito? Maikli ang pananaw ng ilan sa kanila at, takot na wala na sa susunod na araw, kaya’t nagtatago sila nang kaunti para makain kalaunan. Ano ang nangyari pagkatapos? Nang sumunod na araw, bulok na ito. Hindi hinahayaan ng Diyos na magtabi ka nang kaunti man, sapagka’t nagsagawa na Siya ng mga paghahandang tumitiyak na hindi ka magugutom. Subali’t walang ganoong pagtitiwala ang sangkatauhan, ni mayroon silang tunay na pananampalataya sa Diyos. Palagi nilang nais na bigyan ng puwang ang kanilang mga sarili upang magmaniobra, at hindi kailanman nakikita ang lahat ng malasakit at pag-iisip sa likod ng mga paghahanda ng Diyos para sa sangkatauhan. Hindi nila nararamdaman ito, kaya’t hindi nila ganap na mailagak ang kanilang pananampalataya sa Diyos, palaging nag-iisip na: “Hindi maaasahan ang mga pagkilos ng Diyos! Sino ang nakaaalam kung ibibigay ba sa atin ng Diyos kung ano ang kailangan natin o kung kailan Niya ibibigay ito sa atin! Kung gutom na gutom na ako at hindi nagbibigay ang Diyos, hindi ba’t mamamatay ako sa gutom? Hindi ba ako magkukulang sa nutrisyon?” Tingnan kung gaano karupok ang pagtitiwala ng tao!
Ang mga butil, mga prutas at mga gulay, at ang lahat ng uri ng mga nuwes—lahat ng ito ay mga pagkaing walang karne. Nagtataglay ang mga ito ng sapat na mga sustansiya upang masapatan ang mga pangangailangan ng katawan ng tao, bagaman mga pagkaing walang karne ang mga ito. Gayunpaman, hindi sinabi ng Diyos na: “Ito lang ang mga pagkaing ibibigay Ko sa sangkatauhan. Hayaan silang kainin ang mga bagay na ito lamang!” Hindi tumigil ang Diyos doon, bagkus ay nagpatuloy upang maghanda para sa sangkatauhan ng marami pang pagkain na lalo pang mas masasarap. Ano ang mga pagkaing ito? Ito ang iba’t ibang uri ng karne at isda na nakikita at nakakain ng karamihan sa inyo. Naghanda Siya para sa tao ng maraming-maraming uri ng karne at isda. Nabubuhay sa tubig ang mga isda, at ang karne ng isda ng tubig ay iba sa substansiya ng karne ng mga hayop na naninirahan sa lupa, at makapagbibigay ang mga ito ng iba’t ibang sustansiya sa tao. May mga katangian din ang isda na makapagsasaayos ng lamig at init sa katawan ng tao, na lubos na kapaki-pakinabang sa tao. Nguni’t hindi dapat kainin nang sobra-sobra ang masasarap na pagkain. Tulad ng nasabi Ko na, ipinagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan ang tamang dami sa tamang oras, upang maayos na matamasa ng mga tao ang Kanyang pagkakaloob sa normal na paraan at alinsunod sa panahon at oras. Ngayon, anong uri ng mga pagkain ang kabilang sa kategorya ng manukan? Manok, pugo, kalapati, at marami pang iba. Maraming tao ang kumakain rin ng itik at gansa. Bagaman ibinigay na ng Diyos ang lahat ng uring ito ng karne, gumawa Siya ng ilang kahilingan sa Kanyang hinirang na mga tao at naglagay ng tiyak na mga limitasyon sa kanilang diyeta noong Kapanahunan ng Kautusan. Sa kasalukuyan, ayon sa indibiduwal na panlasa at personal na pagpapakahulugan ang mga limitasyong ito. Nagbibigay ang iba’t ibang karneng ito ng magkakaibang sustansiya sa katawan ng tao, pinapalitang muli ang protina at iron, pinagyayaman ang dugo, pinatitibay ang mga kalamnan at ang mga buto, at pinalalakas ang katawan. Paano man lutuin at kainin ng mga tao ang mga ito, makatutulong ang mga karneng ito na mapabuti ang lasa ng kanilang pagkain at mapalakas ang kanilang gana, habang pinasisiyahan din ang kanilang mga sikmura. Ang pinakamahalaga, kayang tustusan ng mga pagkaing ito ang pang-araw-araw na pangangailangan sa nutrisyon ng katawang ng tao. Ito ang pagsasaalang-alang ng Diyos nang inihanda Niya ang pagkain para sa sangkatauhan. May mga gulay, may karne—hindi ba ito kasaganaan? Subali’t dapat maunawaan ng mga tao kung ano ang intensyon ng Diyos nang inihanda Niya ang lahat ng pagkain para sa sangkatauhan. Ito ba ay upang magpakalabis ang sangkatauhan sa mga pagkaing ito? Ano ang nangyayari kapag nasadlak ang tao sa pagtatangkang mapasiyahan ang materyal na mga pagnanasang ito? Hindi ba siya nagiging sobra sa kain? Hindi ba nagpapahirap sa katawan ng tao sa maraming paraan ang labis na pagkain? (Oo.) Iyon ang dahilan kung bakit binabaha-bahagi ng Diyos ang tamang dami sa tamang oras at pinatatamasa sa mga tao ang iba’t ibang pagkain alinsunod sa iba’t ibang takdang oras at panahon. Halimbawa, matapos ang napakainit na tag-init, naiipon ng mga tao ang sobrang init sa kanilang mga katawan, pati na rin ang patohenikong pagkatuyo at pamamasa. Kapag dumating ang taglagas, maraming uri ng prutas ang nahihinog, at kapag kumain ang mga tao ng mga prutas na ito, napaaalis ang pamamasa sa kanilang mga katawan. Sa panahong ito, lumaki na ring malalakas ang mga baka at tupa, kaya ito ay kung kailan dapat kumain ang mga tao ng mas maraming karne bilang pagkain. Sa pagkain ng iba’t ibang uri ng karne, nagkakamit ng enerhiya at init ang mga katawan ng mga tao upang tulungan silang makayanan ang lamig ng taglamig, at bilang resulta ay nakakayanan nilang malampasan ang taglamig nang ligtas at malusog. Nang may buong ingat at katiyakan, kinokontrol at isinasaayos ng Diyos kung ano ang ibibigay sa sangkatauhan, at kung kailan; at kung kailan Niya palalaguin, pabubungahin, at pahihinugin ang iba’t ibang bagay. Nauugnay ito sa “Paano inihahanda ng Diyos ang pagkaing kailangan ng tao sa pang-araw-araw niyang pamumuhay.” Bukod sa maraming uri ng pagkain, nagbibigay rin ang Diyos sa sangkatauhan ng mga pinagmumulan ng tubig. Matapos kumain, kailangan pa rin ng mga tao na uminom ng tubig. Sapat na ba ang prutas lang? Hindi mabubuhay ang mga tao sa prutas lang, at bukod pa rito, walang prutas sa ilang panahon. Kung gayon, paano malulutas ang problema ng sangkatauhan sa tubig? Nalutas na ito ng Diyos sa pamamagitan ng paghahanda ng maraming pinagmumulan ng tubig sa ibabaw at sa ilalim ng lupa, kabilang ang mga lawa, mga ilog, at mga bukal. Maiinuman ang mga pinagmumulan ng tubig na ito hangga’t walang kontaminasyon, at hangga’t hindi pa ito namanipula o napinsala ng mga tao. Sa madaling salita, pagdating sa mga pinagmumulan ng pagkain na nagpapanatili sa buhay ng pisikal na mga katawan ng sangkatauhan, nagsagawa na ang Diyos ng napakatiyak, napakatumpak, at napaka-angkop na mga paghahanda, upang maging mayaman at masagana ang buhay ng mga tao at hindi nagkukulang ng kahit ano. Isang bagay ito na nararamdaman at nakikita ng mga tao.
Dagdag pa rito, nilikha ng Diyos kasama ng lahat ng bagay ang ilang halaman, mga hayop, at iba’t ibang halamang-gamot na partikular na iniukol upang magpagaling ng mga pinsala o gamutin ang mga karamdaman sa katawan ng tao. Ano ang dapat gawin ng isang tao, halimbawa, kung mapaso sila, o aksidenteng mabanlian ng mainit na likido ang kanilang mga sarili? Maaari bang banlawan na lamang ng tubig ang paso? Maaari mo bang balutin na lamang ito ng kahit anong piraso ng tela? Kung gawin iyon, maaaring mapuno ng nana o maimpeksiyon ang sugat. Kung magkalagnat ang isang tao, halimbawa, o magkasipon; masaktan habang nagtatrabaho; magkaroon ng sakit sa tiyan mula sa pagkain ng maling bagay; o magkaroon ng mga karamdamang dulot ng uri ng pamumuhay o emosyonal na mga isyu, kabilang ang mga karamdaman sa ugat, sikolohikal na mga kundisyon, o mga sakit sa mga lamang-loob, mayroong kaukulang mga halaman na nagpapagaling sa kanilang mga kundisyon. May mga halaman na nagpapabuti ng daloy ng dugo at nag-aalis ng mga pagbara, nagpapaginhawa sa kirot, pumipigil sa pagdurugo, nagbibigay ng pampamanhid, tumutulong sa paghilom ng balat at ibinabalik ito sa normal na kundisyon, at nagpapangalat sa di-dumadaloy na dugo at nag-aalis ng mga lason mula sa katawan—sa madaling sabi, may mga gamit ang mga halamang ito sa pang-araw-araw na buhay. Magagamit ng mga tao ang mga ito, at inihanda na ng Diyos ang mga ito para sa katawan ng tao sakaling kailanganin. Pinahintulutan ng Diyos na matuklasan ng tao ang ilan sa mga ito nang di-sinasadya, habang natuklasan ang iba ng mga taong hinirang ng Diyos na gawin iyon, o bilang resulta ng espesyal na mga kababalaghang isinaayos Niya. Kasunod ng pagkakatuklas sa mga halamang ito, ipapasa ng sangkatauhan ang mga ito, at maraming tao ang makaaalam tungkol sa mga ito. Samakatuwid ay may halaga at kahulugan ang paglikha ng Diyos sa mga halamang ito. Bilang buod, mula sa Diyos ang lahat ng bagay na ito, Kanyang inihanda at itinanim nang likhain Niya ang kapaligirang pinaninirahan ng sangkatauhan. Kinakailangan ang mga ito. Mas masinsinan ba ang pag-iisip ng Diyos kaysa sa sangkatauhan? Kapag nakikita mo ang lahat ng nagawa na ng Diyos, nararamdaman mo ba ang praktikal na panig ng Diyos? Gumagawa nang palihim ang Diyos. Nilikha na ng Diyos ang lahat ng ito noong hindi pa dumarating ang tao sa mundong ito, noong wala pa Siyang pakikipag-ugnayan sa sangkatauhan. Ginawa ang lahat nang isinasaisip ang sangkatauhan, para sa kapakanan ng pag-iral ng sangkatauhan at nang may pag-iisip para sa kaligtasan ng kanilang buhay, upang maaaring mamuhay ang sangkatauhan nang masaya sa mayaman at masaganang materyal na mundong ito na inihanda ng Diyos para sa kanila, malaya mula sa pag-aalala tungkol sa pagkain o sa mga damit, hindi nagkukulang ng kahit na ano. Sa gayong kapaligiran, nakapagpapatuloy ang sangkatauhan na magparami at manatiling buhay.
Sa lahat ng gawa ng Diyos, malaki at maliit, mayroon bang walang halaga o kahulugan? Lahat ng ginagawa Niya ay may halaga at kahulugan. Simulan natin ang ating talakayan sa isang karaniwang paksa. Madalas na tinatanong ng mga tao: Ano ang nauna, ang manok o ang itlog? (Ang manok.) Naunang dumating ang manok, sigurado iyan! Bakit naunang dumating ang manok? Bakit hindi maaaring ang itlog ang naunang dumating? Hindi ba’t napipisa mula sa itlog ang manok? Matapos ang dalawampu’t isang araw, lumalabas ang manok mula sa itlog, at ang manok na iyon kalaunan ay nangingitlog nang marami pa, at marami pang manok ang lumalabas mula sa mga itlog na iyon. Kung gayon, ang manok ba o ang itlog ang naunang dumating? Isinagot ninyo ang “manok” nang may ganap na kasiguraduhan. Subali’t bakit ito ang inyong sagot? (Sinasabi ng Bibliya na nilikha ng Diyos ang mga ibon at mga hayop.) Kaya, ayon sa Bibliya ang sagot ninyo. Subali’t nais Kong sabihin ninyo ang tungkol sa inyong sariling pagkaunawa, upang makita Ko kung mayroon ba kayong anumang praktikal na kaalaman sa mga pagkilos ng Diyos. Ngayon, sigurado ba kayo sa inyong sagot, o hindi? (Nilikha ng Diyos ang manok, pagkatapos ay binigyan ito ng kakayahan na magparami, na nangangahulugan ng kakayahang maglimlim ng mga itlog.) Waring tama ang paliwanag na ito. Ang manok ang unang dumating, at sumunod ang itlog. Ito ay sigurado. Hindi ito isang napakalalim na hiwaga, nguni’t itinuturing itong ganoon ng mga tao sa mundo at sinusubukang lutasin ito gamit ang mga teoryang pilosopiko, nang hindi sumasapit kailanman sa isang konklusyon. Ito ay katulad lang ng kapag hindi alam ng mga tao na nilikha sila ng Diyos. Hindi nila alam ang pangunahing prinsipyong ito, ni mayroon silang maliwanag na ideya kung ang itlog o ang manok ba ang dapat na nauna. Hindi nila alam kung alin ang dapat na nauna, kaya hindi nila kailanman nahahanap ang kasagutan. Natural lang na ang manok ang nauna. Kung ang itlog ang nauna bago ang manok, iyon ay magiging abnormal! Napakasimpleng bagay nito—siguradong naunang dumating ang manok. Hindi ito isang tanong na nangangailangan ng makabagong kaalaman. Nilikha ng Diyos ang lahat, nang may intensyon na dapat itong tamasahin ng tao. Kapag may manok na, natural na susunod ang itlog. Hindi ba ito isang nakahandang solusyon? Kung ang itlog ang unang nilikha, hindi ba kakailanganin din nito ang manok upang malimliman ito? Higit na mas madaling solusyon ang direktang paglikha ng manok. Sa ganitong paraan, makapangingitlog ang manok at malimliman ang mga sisiw sa loob, at maaaring magkaroon ang mga tao ng manok upang kainin. Kay dali! Ang paraan ng paggawa ng Diyos sa mga bagay ay maayos at malinis, at talagang hindi magulo. Saan ba nanggagaling ang itlog? Nanggagaling ito sa manok. Walang itlog kung wala ang manok. Isang bagay na may buhay ang nilikha ng Diyos! Balintuna at katawa-tawa ang sangkatauhan, palaging nasasalabid sa gayon kasimpleng mga bagay, at nagtatapos sa isang bungkos ng kakatwang mga kamalian. Masyadong parang bata ang tao! Ang kaugnayan sa pagitan ng itlog at ng manok ay malinaw: Naunang dumating ang manok. Ito ang pinakatumpak na paliwanag, ang pinakatumpak na paraan upang maunawaan ito, at ang pinakatumpak na sagot. Tama ito.
Ano ang mga paksang tinalakay pa lang natin? Nagsimula tayo sa pag-uusap ng tungkol sa kapaligirang pinaninirahan ng sangkatauhan at kung ano ang ginawa ng Diyos para sa kapaligirang iyon at ang mga paghahandang isinagawa Niya. Tinalakay natin kung ano ang isinaayos Niya; ang mga kaugnayan sa pagitan ng mga bagay na nilikha, na inihanda ng Diyos para sa sangkatauhan; at kung paano isinaayos ng Diyos ang mga kaugnayang ito upang maiwasang mapinsala ng mga bagay na nilikha Niya ang sangkatauhan. Pinagaan din ng Diyos ang pinsala sa kapaligiran ng sakangkatauhan na maaaring idulot ng maraming iba’t ibang salik ng Kanyang mga nilikha, pinahihintulutan ang lahat ng bagay na magampanan ang pinakamataas na layunin ng mga ito, at magdala sa sangkatauhan ng isang kapaki-pakinabang na kapaligiran na may kapaki-pakinabang na mga elemento, sa gayon ay tinutulungan ang sangkatauhan na makiangkop sa gayong kapaligiran at pirming ipagpatuloy ang ikot ng buhay at pagpaparami. Sunod, pinag-usapan natin ang pagkain na kailangan ng katawan ng tao—ang pang-araw-araw na pagkain at inumin ng sangkatauhan. Mahalaga rin itong kundisyon para sa kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan. Ibig sabihin, hindi mabubuhay ang katawan ng tao sa pamamagitan lang ng paghinga, nang may sinag ng araw lang para panustos, o hangin, o angkop na mga temperatura. Kailangan din ng mga taong punan ang kanilang mga sikmura, at inihanda ng Diyos para sa sangkatauhan, nang walang nakaliligtaang anuman, ang mga pinagmumulan ng mga bagay kung saan magagawa nila iyon, yamang ang mga iyon ang pinagmumulan ng pagkain ng sangkatauhan. Kapag nakita na ang gayong kayaman at kasaganang ani—ang mga pinagmumulan ng pagkain at inumin ng sangkatauhan—masasabi ba na ang Diyos ang pinagmumulan ng panustos para sa sangkatauhan at sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha? Kung, sa panahon ng paglikha, nilikha lamang ng Diyos ang mga puno at damo o anumang bilang ng iba pang bagay na may buhay, at kung ang iba’t ibang bagay na may buhay na ito at mga halaman ay para lamang kainin ng mga baka at mga tupa, o para sa mga sebra, mga usa, at iba’t iba pang uri ng mga hayop, halimbawa, kinakain ng mga leon ang mga bagay gaya ng mga sebra at mga usa, at kinakain ng mga tigre ang mga bagay gaya ng mga tupa at mga baboy—nguni’t wala kahit isang bagay na angkop upang kainin ng tao, uubra kaya iyon? Hindi ito uubra. Hindi sana mabubuhay nang matagal ang sangkatauhan. Ano kaya kung kumain lamang ng mga dahon ang mga tao? Uubra kaya iyon? Makakain ba ng mga tao ang damo na para sa mga tupa? Maaaring hindi ito makasakit kung subukan nilang kumain nang kaunti, subali’t kung kumain sila ng gayong mga bagay sa loob ng mahabang panahon, hindi ito matitiis ng kanilang mga tiyan, at hindi mabubuhay nang matagal ang mga tao. May mga bagay pa nga na maaaring kainin ng mga hayop nguni’t nakalalason sa mga tao—kinakain ng mga hayop ang mga ito nang walang kapinsalaan, nguni’t hindi ito ganoon para sa mga tao. Ibig sabihin nito ay nilikha ng Diyos ang mga tao, kaya alam ng Diyos ang pinakamabuting mga prinsipyo at istraktura ng katawan ng tao at kung ano ang kailangan ng mga tao. Alam ng Diyos nang may sakdal na kalinawan ang komposisyon at nilalaman ng katawan, ang mga pangangailangan nito, at ang paggana ng mga lamang-loob nito, at kung paano sinisipsip, inaalis, at pinoproseso ng mga ito ang iba’t ibang substansiya. Hindi ito alam ng mga tao; minsan, kumakain sila nang walang pag-iingat, o nakikibahagi sa pagpapabaya sa sarili, nagdudulot ng kawalang-balanse ang labis na mga ito. Kung kainin mo at tamasahin ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa iyo sa normal na paraan, hindi ka magkakaroon ng mga problema sa kalusugan. Kahit na makaranas ka paminsan-minsan ng masasamang pakiramdam at may di-pagdaloy ng dugo, hindi ito nagiging problema talaga. Kailangan mo lang kumain ng isang partikular na uri ng halaman, at ang di-pagdaloy ay mawawala. Nagsagawa na ang Diyos ng mga paghahanda para sa lahat ng bagay na ito. Kaya, sa mga mata ng Diyos, lubhang napakataas ng sangkatauhan sa anumang ibang bagay na may buhay. Naghanda ang Diyos ng kapaligiran para sa bawa’t uri ng halaman, at naghanda Siya ng pagkain at kapaligiran para sa bawa’t uri ng hayop, nguni’t ang sangkatauhan ang may pinakamahigpit na mga pangangailangan sa kapaligiran nito, at hindi maaaring makaligtaan kahit na bahagya ang mga pangangailangang iyon; kung hindi, hindi makapagpapatuloy ang sangkatauhan na umunlad at mamuhay at magparami nang normal. Ang Diyos ang pinaka-nakaaalam nito, sa Kanyang puso. Nang ginawa ito ng Diyos, mas pinahalagahan Niya ang mga ito kaysa sa anumang bagay. Marahil ay hindi mo nararamdaman ang kahalagahan ng ilang pangkaraniwang bagay na nakikita at tinatamasa mo sa iyong buhay, o isang bagay na nakikita at tinatamasa mo na taglay mo na mula pa nang isilang, nguni’t matagal na o lihim nang nagsagawa ng mga paghahanda ang Diyos para sa iyo. Sa pinakamalawak na posibleng saklaw, inalis at pinagaan na ng Diyos ang lahat ng negatibong elemento na hindi kanais-nais sa sangkatauhan at maaaring makapinsala sa katawan ng tao. Ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita ba nito ang saloobin ng Diyos tungo sa sangkatauhan nang nilikha Niya ang mga ito sa panahong ito? Ano ang saloobing iyon? Maingat at taimtim ang saloobin ng Diyos, at wala itong pinalampas na panghihimasok ng anumang puwersa ng kaaway o panlabas na mga salik o mga kundisyong hindi ayon sa Kanya. Makikita rito ang saloobin ng Diyos sa paglikha at pamamahala sa sangkatauhan sa panahong ito. At ano ang saloobin ng Diyos? Sa pamamagitan ng kapaligiran para sa kaligtasan ng buhay at ng buhay na tinatamasa ng sangkatauhan, pati na rin sa kanilang pang-araw-araw na pagkain at inumin at pang-araw-araw na mga pangangailangan, makikita natin ang saloobin ng pananagutan ng Diyos tungo sa sangkatauhan, na Kanyang pinanghawakan na mula noong nilikha Niya ang tao, pati na rin ang Kanyang determinasyon na iligtas ang sangkatauhan sa panahong ito. Nakikita ba ang pagiging-totoo ng Diyos sa mga bagay na ito? Ang pagiging-kamangha-mangha Niya? Ang pagiging-di-maarok Niya? Ang walang hanggang kapangyarihan Niya? Ginagamit ng Diyos ang Kanyang marunong at makapangyarihang mga paraan upang tustusan ang buong sangkatauhan, pati na rin ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha. Ngayong napakarami Ko nang nasabi, masasabi ba ninyo na ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay? (Oo.) Siguradong ganoon nga. Mayroon bang anumang pagdududa? (Wala.) Sapat na ang pagtustos ng Diyos sa lahat ng bagay upang ipakita na Siya ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay, sapagka’t Siya ang pinagmumulan ng pagtustos na nagbigay ng kakayahan sa lahat ng bagay na umiral, mamuhay, magpakarami, at magpatuloy, at walang ibang pinagmumulan maliban sa Diyos Mismo. Tinutustusan ng Diyos ang lahat ng pangangailangan ng lahat ng bagay at lahat ng pangangailangan ng sangkatauhan, kahit pa ang pinakasaligang mga pangangailangang ukol sa kapaligiran ng mga taong iyon, ang mga pangangailangan ng kanilang pang-araw-araw na mga buhay, o ang pangangailangan para sa katotohanang ibinibigay Niya sa mga espiritu ng mga tao. Sa lahat ng paraan, ang pagkakakilanlan ng Diyos at ang Kanyang katayuan ay napakahalaga sa sangkatauhan; tanging Diyos Mismo ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay. Ibig sabihin, ang Diyos ang Pinuno, ang Panginoon, at ang Tagapagtustos ng mundong ito, ang mundong ito na nakikita at nararamdaman ng mga tao. Para sa sangkatauhan, hindi ba ito ang pagkakakilanlan ng Diyos? Walang anumang kasinungalingan dito. Kaya kapag nakakita ka ng mga ibong lumilipad sa langit, dapat mong malaman na nilikha ng Diyos ang lahat ng kayang lumipad. May mga bagay na may buhay na lumalangoy sa tubig, at may sariling paraan upang mabuhay ang mga ito. Ang mga puno at halaman na nanirahan sa lupa ay umuusbong at sumisibol sa tagsibol at namumunga at nalalagasan ng mga dahon sa taglagas, at pagsapit ng taglamig ay nalaglag na ang lahat ng mga dahon habang naghahanda ang mga halamang iyon na mapagtagumpayan ang taglamig. Iyon ang paraan ng mga ito upang mabuhay. Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, at namumuhay ang bawa’t isa sa magkakaibang anyo at magkakaibang paraan at gumagamit ng magkakaibang pamamaraan upang ipakita ang puwersa ng buhay nito at ang anyo kung saan ito naninirahan. Paano man namumuhay ang mga bagay-bagay, nasa ilalim ng pamamahala ng Diyos ang lahat ng ito. Ano ang layon ng pamumuno ng Diyos sa lahat ng magkakaibang anyo ng buhay at nabubuhay na mga nilalang? Alang-alang ba ito sa kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan? Kinokontrol Niya ang lahat ng batas ng buhay, lahat ay alang-alang sa kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan. Ipinapakita lamang nito kung gaano kahalaga para sa Diyos ang kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan.
Ang kakayahan ng sangkatauhang mabuhay at magparami nang normal ay napakahalaga sa Diyos. Kaya, patuloy na nagtutustos ang Diyos sa sangkatauhan at sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha. Nagtutustos Siya sa lahat ng bagay sa iba’t ibang paraan, at sa pagpapanatili ng kaligtasan ng buhay ng lahat ng bagay, tinutulungan Niya ang sangkatauhan na patuloy na sumulong, pinananatili ang normal na kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan. Ito ang dalawang aspeto ng ating pagbabahagi ngayon. Ano ang dalawang aspetong ito? (Mula sa malawak na pananaw, nilikha ng Diyos ang kapaligirang pinaninirahan ng sangkatauhan. Iyon ang unang aspeto. Inihanda rin ng Diyos ang materyal na mga bagay na kailangan ng sangkatauhan at kayang makita at mahawakan.) Nagbahagi na tayo sa ating pangunahing paksa sa pamamagitan ng dalawang aspetong ito. Ano ang ating pangunahing paksa? (Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay para sa Lahat ng Bagay.) Dapat ay mayroon na ngayong kaunting pagkaunawa kung bakit may gayong mga nilalaman ang Aking pagbabahagi sa paksang ito. Mayroon na bang naging pagtalakay na hindi kaugnay ng pangunahing paksa? Wala ni isa man! Marahil, pagkatapos marinig ang mga bagay na ito, nagkamit na ang ilan sa inyo ng kaunting pagkaunawa at nararamdaman ngayon na may timbang ang mga salitang ito, na napakahalaga ng mga ito, nguni’t ang iba ay maaaring mayroon lamang kaunting literal na pagkaunawa at nararamdaman na di-mahalaga ang mga salitang ito mismo. Ano man ang inyong pagkaunawa rito sa sandaling ito, kapag sumapit na sa isang partikular na araw ang inyong karanasan, kapag umaabot na sa isang partikular na punto ang inyong pagkaunawa, ibig sabihin, kapag umaabot na sa isang partikular na antas ang inyong kaalaman sa mga pagkilos ng Diyos at sa Diyos Mismo, gagamitin ninyo ang inyong sariling mga salita, na praktikal, upang maghatid ng isang napakalalim at tunay na patotoo sa mga pagkilos ng Diyos.
Sa palagay Ko ay napakababaw pa rin at literal ang inyong kasalukuyang pagkaunawa, nguni’t matapos marinig ang dalawang aspetong ito ng Aking pagbabahagi, makikilala man lang ba ninyo kung anong mga pamamaraan ang ginamit ng Diyos upang tustusan ang sangkatauhan o ano ang mga bagay na ibinibigay ng Diyos sa sangkatauhan? Mayroon ba kayong saligang konsepto, saligang pagkaunawa? (Oo.) Subali’t nauugnay ba sa Bibliya ang dalawang aspetong Aking ibinahagi? Nauugnay ba ang mga ito sa paghatol at pagkastigo ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian? (Hindi.) Bakit Ko ibinahagi ang mga ito kung gayon? Ito ba ay dahil kailangang maunawaan ng mga tao ang mga ito upang makilala ang Diyos? (Oo.) Napakahalaga na malaman ang mga bagay na ito at napakahalaga ring maunawaan ang mga ito. Habang sinisikap na maunawaan ang Diyos sa Kanyang kabuuan, huwag limitahan ang sarili sa Bibliya, at huwag limitahan ang sarili sa paghatol at pagkastigo ng Diyos sa tao. Ano ang layon Ko sa pagsasabi nito? Ito ay upang ipaalam sa mga tao na ang Diyos ay hindi lamang ang Diyos ng Kanyang hinirang na mga tao. Kasalukuyan mong sinusunod ang Diyos, at Siya ang iyong Diyos, nguni’t Siya rin ba ang Diyos ng mga taong hindi sumusunod sa Kanya? Ang Diyos ba ang Diyos ng lahat ng taong hindi sumusunod sa Kanya? Ang Diyos ba ang Diyos ng lahat ng bagay? (Oo.) Kung gayon ba’y limitado ang saklaw ng gawain at mga pagkilos ng Diyos sa mga sumusunod lang sa Kanya? (Hindi.) Ano ang saklaw ng Kanyang gawain at mga pagkilos? Sa pinakamaliit na antas, napapaloob sa saklaw ng Kanyang gawain at mga pagkilos ang buong sangkatauhan at lahat ng bagay na nilikha. Sa pinakamataas na antas, napapaloob dito ang buong sansinukob, na hindi kayang makita ng mga tao. Kaya, maaari nating sabihin na ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain at ipinamamalas ang Kanyang mga pagkilos sa buong sangkatauhan, at sapat na ito upang tulutang makilala ng mga tao ang Diyos Mismo sa Kanyang kabuuan. Kung gusto mong makilala ang Diyos, upang tunay na makilala Siya, upang tunay na maunawaan Siya, huwag limitahan ang sarili sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos, o sa mga kuwento ng gawaing ipinamalas Niya sa nakalipas. Kung iyong subukang makilala Siya sa ganoong paraan, naglalagak ka ng mga limitasyon sa Diyos, at ikinukulong Siya. Nakikita mo ang Diyos bilang isang bagay na napakaliit. Paano nakaaapekto sa mga tao ang paggawa nito? Hindi mo kailanman makikilala ang pagiging-kahanga-hanga at pagiging-kataas-taasan ng Diyos, ni ang Kanyang lakas at walang hanggang kapangyarihan at ang saklaw ng Kanyang awtoridad. Makaaapekto ang gayong pagkaunawa sa iyong kakayahang tanggapin ang katotohanan na ang Diyos ang Pinuno ng lahat ng bagay, pati na rin ang iyong kaalaman ng tunay na pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Sa madaling salita, kung limitado ang saklaw ng iyong pagkaunawa sa Diyos, limitado rin ang iyong matatanggap. Ito ang dahilan kung bakit dapat mong palawakin ang iyong saklaw at palawakin ang iyong abot-tanaw. Dapat mong sikaping maunawaan ang lahat ng ito—ang saklaw ng gawain ng Diyos, ang Kanyang pamamahala, ang Kanyang pamumuno, at lahat ng bagay na pinamamahalaan at pinamumunuan Niya. Mauunawaan mo ang mga pagkilos ng Diyos sa pamamagitan ng mga bagay na ito. Sa gayong pagkaunawa, mararamdaman mo, nang di-namamalayan, na namumuno, namamahala, at nagtutustos ang Diyos sa lahat ng bagay na kabilang sa mga ito, at tunay mo ring mararamdaman na ikaw ay isang bahagi at isang miyembro ng lahat ng bagay. Habang nagtutustos ang Diyos sa lahat ng bagay, tinatanggap mo rin ang pamumuno at pagtutustos ng Diyos. Ito ay isang katotohanan na walang sinuman ang makapagkakaila. Lahat ng bagay ay sumasailalim sa sarili nitong mga batas na nasa ilalim ng pamumuno ng Diyos, at sa ilalim ng pamumuno ng Diyos, ang lahat ng bagay ay may sariling tuntunin upang mabuhay. Nabubuklod din ng pamumuno at pagtutustos ng Diyos ang kapalaran at mga pangangailangan ng sangkatauhan. Kaya naman, sa ilalim ng kapamahalaan at pamumuno ng Diyos, ang sangkatauhan at ang lahat ng bagay ay magkakaugnay, umaasa sa isa’t isa, at magkakabahagi. Ito ang layon at kahalagahan ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay.
Pebrero 2, 2014