Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VII
Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay Para sa Lahat ng Bagay (I)
Isang Pagbubuod Tungkol sa Awtoridad ng Diyos, sa Matuwid na Disposisyon ng Diyos, at sa Kabanalan ng Diyos
Kapag natapos kayong manalangin, nadarama ba ninyo ang kapanatagan sa inyong puso sa presensya ng Diyos? (Oo.) Kung ang puso ng isang tao ay maaaring panatagin, maririnig at mauunawaan nila ang salita ng Diyos at maririnig at mauunawaan nila ang katotohanan. Kung hindi mapanatag ang puso mo, kung laging nalilito ang puso mo, o lagi kang nag-iisip ng ibang mga bagay, makakaapekto ito sa iyong pagdalo sa mga pagtitipon upang marinig ang salita ng Diyos. Ano ang pinakamahalagang bahagi ng mga bagay na tinatalakay natin? Muli nating bahagyang isiping lahat ang pinakamahahalagang punto. Tungkol sa pagkilala sa Diyos Mismo, ang natatangi, sa unang bahagi, tinalakay natin ang awtoridad ng Diyos. Sa ikalawang bahagi, tinalakay natin ang matuwid na disposisyon ng Diyos, at sa ikatlong bahagi, tinalakay natin ang kabanalan ng Diyos. Nag-iwan ba ng impresyon sa inyo ang partikular na nilalaman ng tinalakay natin sa bawat pagkakataon? Sa unang bahagi, “ang awtoridad ng Diyos,” ano ang nag-iwan ng pinakamalalim na impresyon sa inyo? Aling bahagi ang may pinakamatinding epekto sa inyo? (Ipinabatid muna ng Diyos ang awtoridad at kapangyarihan ng salita ng Diyos; ang Diyos ay kasimbuti ng Kanyang salita at ang Kanyang salita ay magkakatotoo. Ito ang likas na pinakadiwa ng Diyos.) (Ang utos ng Diyos kay Satanas ay na maaari lamang nitong tuksuhin si Job, ngunit hindi nito maaaring kitlin ang kanyang buhay. Mula rito nakikita natin ang awtoridad ng salita ng Diyos.) May iba pa bang maidaragdag? (Gumamit ng mga salita ang Diyos upang likhain ang kalangitan at ang lupa at lahat ng naroon, at sumambit Siya ng mga salita upang makipagtipan sa tao at ibigay ang Kanyang mga pagpapala sa tao. Lahat ng ito ay mga halimbawa ng awtoridad ng salita ng Diyos. Pagkatapos, nakita natin kung paano inutusan ng Panginoong Jesus si Lazaro na lumabas mula sa kanyang libingan—ipinapakita nito na ang buhay at kamatayan ay kontrolado ng Diyos, na walang kapangyarihan si Satanas na kontrolin ang buhay at kamatayan, at na ginagawa man ang gawain ng Diyos sa katawang-tao o sa Espiritu, ang Kanyang awtoridad ay natatangi.) Ito ang pagkaunawang inyong natamo pagkatapos marinig ang pagbabahagi. Tungkol sa awtoridad ng Diyos, ano ang inyong pagkaunawa sa salitang “awtoridad”? Sa loob ng saklaw ng awtoridad ng Diyos, ano ang nakikita ng mga tao sa ginagawa at inihahayag ng Diyos? (Nakikita namin ang pagka-makapangyarihan sa lahat at karunungan ng Diyos.) (Nakikita namin na ang awtoridad ng Diyos ay laging naroroon at na tunay itong umiiral. Nakikita namin ang awtoridad ng Diyos sa malawak na antas sa Kanyang kapamahalaan sa lahat ng bagay, at nakikita namin ito sa maliit na antas kapag kinokontrol Niya ang buhay ng bawat tao. Talagang ipinaplano at kinokontrol ng Diyos ang anim na yugto ng buhay ng tao. Dagdag pa rito, nakikita namin na ang awtoridad ng Diyos ay kumakatawan sa Diyos Mismo, ang natatangi, at walang nilikha o hindi nilikhang nilalang ang maaaring magtaglay nito. Ang awtoridad ng Diyos ay isang simbolo ng Kanyang pagkakakilanlan.) Ang inyong pagkaunawa sa “mga simbolo ng pagkakakilanlan ng Diyos at kalagayan ng Diyos” ay tila medyo doktrinal. Mayroon ba kayong anumang mahalagang pagkaunawa sa awtoridad ng Diyos? (Bata pa kami ay binabantayan at pinoprotektahan na kami ng Diyos, at nakikita namin doon ang awtoridad ng Diyos. Wala kaming kamalayan sa mga panganib na nakaabang sa amin, ngunit palagi kaming lihim na pinrotektahan ng Diyos. Awtoridad din ito ng Diyos.) Magaling. Tama iyan.
Kapag pinag-uusapan natin ang awtoridad ng Diyos, ano ang pinagtutuunan natin, ang pinakamahalagang punto natin? Bakit natin kailangang talakayin ang paksang ito? Ang unang layunin sa pagtalakay sa paksang ito ay upang maitatag sa puso ng mga tao ang pagkakakilanlan ng Diyos bilang Lumikha at ang Kanyang kalagayan sa lahat ng bagay. Ito ang maipapaalam, maipapakita, at maipadarama sa mga tao sa simula. Ang nakikita at nadarama mo ay nagmumula sa mga kilos ng Diyos, mga salita ng Diyos, at pagkontrol ng Diyos sa lahat ng bagay. Kaya, anong tunay na pagkaunawa ang nakakamit ng mga tao mula sa lahat ng kanilang nakikita, natututuhan, at nalalaman sa pamamagitan ng awtoridad ng Diyos? Natalakay na natin ang unang layunin. Ang ikalawa ay hayaang makita ng mga tao ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos sa pamamagitan ng lahat ng nagawa at nasabi at nakontrol ng Diyos gamit ang Kanyang kapangyarihan. Ito ay upang tulutan kang makita kung gaano kamakapangyarihan at gaanong katalino ang Diyos sa Kanyang pagkontrol sa lahat ng bagay. Hindi ba ito ang tuon at ang pinakamahalagang punto ng nauna nating talakayan tungkol sa natatanging awtoridad ng Diyos? Hindi pa gaanong nagtatagal mula nang talakayin natin iyon subalit nalimutan na iyon ng ilan sa inyo, na nagpapatunay na hindi pa kayo nagtamo ng malalim na pagkaunawa sa awtoridad ng Diyos. Masasabi pa nga na hindi pa nakita ng tao ang awtoridad ng Diyos. Mayroon na ba kayo ngayong kaunting pagkaunawa? Kapag nakikita mo ang Diyos na ginagamit ang Kanyang awtoridad, ano talaga ang nadarama mo? Talaga bang nadama mo ang kapangyarihan ng Diyos? (Oo.) Kapag binabasa mo ang Kanyang mga salita kung paano Niya nilikha ang lahat ng bagay, nadarama mo ang Kanyang kapangyarihan at nadarama mo ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat. Kapag nakikita mo ang kapamahalaan ng Diyos sa kapalaran ng mga tao, ano ang nadarama mo? Nadarama mo ba ang Kanyang kapangyarihan at Kanyang karunungan? Kung hindi tinaglay ng Diyos ang kapangyarihang ito, kung hindi Niya tinaglay ang karunungang ito, magiging karapat-dapat ba Siyang magkaroon ng kapamahalaan sa lahat ng bagay at sa kapalaran ng mga tao? Taglay ng Diyos ang kapangyarihan at karunungan, kaya nga mayroon Siyang awtoridad. Natatangi ito. Sa lahat ng nilikha, may nakita ka na bang isang tao o nilalang na may kapangyarihang katulad ng sa Diyos? Mayroon bang sinuman o anuman na maaaring mamahala at mamuno sa buong sangkatauhan, na palaging nasa lahat ng dako sa lahat ng oras? (Wala.) Nauunawaan na ba ninyo ngayon ang tunay na kahulugan ng natatanging awtoridad ng Diyos? Mayroon na ba kayo ngayong kaunting pagkaunawa tungkol dito? (Oo.) Dito nagtatapos ang pagbabalik-aral natin sa paksang natatanging awtoridad ng Diyos.
Sa ikalawang bahagi, pinag-usapan natin ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Hindi natin gaanong tinalakay ang paksang ito, dahil, sa yugtong ito, ang gawain ng Diyos una sa lahat ay binubuo ng paghatol at pagkastigo. Sa Kapanahunan ng Kaharian, inihayag nang malinaw at lubhang detalyado ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Sumambit na Siya ng mga salitang hindi pa Niya nasasambit kailanman mula noong panahon ng paglikha; at sa Kanyang mga salita ay nakita ng lahat ng tao, ng lahat ng nakakita at nakaranas ng Kanyang salita, ang Kanyang matuwid na disposisyon. Kaya, ano ang pangunahing punto ng ating talakayan tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos? Nauunawaan ba ninyo ito nang malalim? Nauunawaan ba ninyo ito mula sa inyong karanasan? (Sinunog ng Diyos ang Sodoma dahil napakatiwali ng mga tao noon at pinukaw ang galit ng Diyos. Mula rito, nakikita namin ang matuwid na disposisyon ng Diyos.) Una, tingnan natin: Kung hindi winasak ng Diyos ang Sodoma, malalaman mo ba ang Kanyang matuwid na disposisyon? Malalaman mo pa rin. Makikita mo ito sa mga salita na Kanyang ipinahayag sa Kapanahunan ng Kaharian, at sa paghatol, pagkastigo, at mga sumpang ipinataw Niya sa tao. Nakikita mo ba ang matuwid na disposisyon ng Diyos sa Kanyang pagliligtas sa Ninive? (Oo.) Sa kapanahunang ito, nakikita ng mga tao ang awa, pagmamahal, at pagpaparaya ng Diyos, at nakikita rin ito ng mga tao sa pagbabago ng puso ng Diyos na kasunod ng pagsisisi ng tao. Ngayong naibigay na ang dalawang halimbawang ito upang pasimulan ang ating talakayan tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos, medyo malinaw na makikita na inihayag na ang Kanyang matuwid na disposisyon, subalit ang totoo, ang diwa ng matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi limitado sa inihayag sa dalawang kuwentong ito sa Bibliya. Mula sa natutuhan at nakita at naranasan ninyo sa salita ng Diyos at sa Kanyang gawain, ano ang matuwid na disposisyon ng Diyos sa tingin ninyo? Magsalita kayo mula sa sarili ninyong mga karanasan. (Sa mga sitwasyong nilikha ng Diyos para sa mga tao, kapag nagagawang hanapin ng mga tao ang katotohanan at kumilos alinsunod sa kalooban ng Diyos, ginagabayan sila ng Diyos, nililiwanagan sila, at binibigyan sila ng kakayahang madama ang sigla sa kanilang puso. Kapag nilalabanan ng mga tao ang Diyos at kinakalaban Siya at hindi sila kumikilos alinsunod sa Kanyang kalooban, may malaking kadiliman sa kanilang kalooban, na para bang pinabayaan na sila ng Diyos. Kahit kapag nagdarasal sila, hindi nila alam kung ano ang sasabihin sa Kanya. Ngunit kapag isinasantabi nila ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon at nagiging handang makipagtulungan sa Diyos at nagpupunyaging magpakabuti pa, pagkatapos ay unti-unti nilang nagagawang makita ang nakangiting mukha ng Diyos. Mula rito nararanasan namin ang kabanalan ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Nagpapakita ang Diyos sa banal na kaharian, ngunit nagtatago Siya sa maruruming lugar.) (Nakikita ko ang matuwid na disposisyon ng Diyos sa paraan ng Kanyang pagtrato sa mga tao. Ang aming mga kapatid ay nagkakaiba sa tayog at kakayahan, at magkakaiba rin ang hinihingi ng Diyos mula sa bawat isa sa amin. Natatanggap naming lahat ang kaliwanagan ng Diyos sa iba-ibang antas, at dito, nakikita ko ang katuwiran ng Diyos, dahil kaming mga tao ay walang kakayahang tratuhin ang tao sa ganitong paraan, ngunit kaya iyon ng Diyos.) Ngayon, mayroon kayong lahat ng kaunting praktikal na kaalaman na kaya ninyong bigkasin nang maliwanag.
Alam ba ninyo kung anong kaalaman ang susi sa pag-unawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos? Maaaring maraming masasabi mula sa karanasan sa paksang ito, nguni’t may ilang pangunahing punto na dapat Ko munang sabihin sa inyo. Upang maunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos, kailangang maunawaan muna ng isang tao ang mga damdamin ng Diyos: kung ano ang Kanyang kinamumuhian, kung ano ang Kanyang kinasusuklaman, kung ano ang Kanyang minamahal, kung kanino Siya nagpaparaya at naaawa, at sa anong uri ng tao Niya ipinagkakaloob ang awang iyon. Ito ay isang pangunahing punto. Dapat ding malaman ng isang tao na gaano man kamapagmahal ang Diyos, gaano man karami ang habag at pagmamahal na mayroon Siya para sa mga tao, hindi hinahayaan ng Diyos ang sinuman na nagkakasala sa Kanyang pagkakakilanlan at posisyon, ni hindi Niya tinutulutan ang sinuman na nagkakasala sa Kanyang dignidad. Kahit mahal ng Diyos ang mga tao, hindi Niya sila kinukunsinti. Ibinibigay Niya sa mga tao ang Kanyang pagmamahal, ang Kanyang habag, at ang Kanyang pagpapaubaya, nguni’t hindi Niya kailanman pinamihasa sila; ang Diyos ay mayroong Kanyang mga prinsipyo at Kanyang mga hangganan. Gaano man kalaki ang naramdaman mo nang pagmamahal sa iyo ng Diyos, gaano man kalalim ang pagmamahal na iyon, kailanma’y hindi mo dapat tratuhin ang Diyos sa paraan ng pagtrato mo sa isa pang tao. Bagaman totoo na itinuturing ng Diyos ang mga tao na sukdulang malapit sa Kanya, kung itinuturing ng isang tao ang Diyos bilang ibang tao lamang, na parang Siya ay isa lamang ding nilalang, gaya ng isang kaibigan o isang bagay ng pagsamba, itatago ng Diyos ang Kanyang mukha sa kanila at tatalikdan sila. Ito ang Kanyang disposisyon, at dapat pag-isipang mabuti ng mga tao ang isyung ito. Kaya, madalas nating nakikita ang mga salitang gaya nito na sinasabi ng Diyos tungkol sa Kanyang disposisyon: Gaano man karami ang mga daan na iyong nalakbay, gaano man karami ang gawain na iyong nagawa o gaano man karami ang iyong tiniis na, sa sandaling magkasala ka sa disposisyon ng Diyos, gagantihan Niya ang bawa’t isa sa inyo batay sa inyong nagawa. Ibig sabihin nito ay itinuturing ng Diyos ang mga tao bilang sukdulang malapit sa Kanya, nguni’t hindi dapat ituring ng mga tao ang Diyos bilang isang kaibigan o isang kaanak. Huwag tawagin ang Diyos bilang iyong “kaibigan.” Gaano man kalaki ang pagmamahal na natanggap mo mula sa Kanya, gaano man karaming pagpapaubaya ang naibigay Niya sa iyo, kailanman ay hindi mo dapat ituring ang Diyos bilang iyong kaibigan. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Naiintindihan ba? Kailangan Ko pa bang magsalita pa tungkol dito? Wala ba kayong anumang naunang pagkaunawa sa bagay na ito? Karaniwan, ito ang pinakamadaling pagkakamali na magagawa ng mga tao, naiintindihan man nila ang mga doktrina, o kung hindi man nila kailanman pinagnilay-nilayan ang isyung ito. Kapag nagkakasala ang mga tao sa Diyos, maaaring ito ay hindi lamang dahil sa isang pangyayari, o isang bagay na kanilang sinabi, nguni’t sa halip ito ay sanhi ng isang saloobin na kanilang pinanghahawakan at isang kalagayan na kinaroroonan nila. Ito ay isang bagay na sobrang nakakatakot. Naniniwala ang ilang tao na mayroon silang pagkaunawa sa Diyos, na mayroon silang ilang kaalaman tungkol sa Kanya, at maari pang gumawa sila ng ilang bagay na nagbibigay-kasiyahan sa Diyos. Nagsisimula silang makaramdam na sila ay kapantay ng Diyos at buong pagmamagaling na sila’y naging mga kaibigan ng Diyos. Ang mga ganitong uri ng damdamin ay malaking pagkakamali. Kung wala kang malalim na pagkaunawa ukol dito—kung hindi mo malinaw na nauunawaan ito—napakadali kung gayon na magkasala ka sa Diyos at magkasala sa Kanyang matuwid na disposisyon. Naiintindihan mo na ito ngayon, tama? Hindi ba natatangi ang matuwid na disposisyon ng Diyos? Magiging katumbas kaya ito ng karakter o katayuang moral ng isang tao kahit kailan? Hindi kailanman. Kaya, hindi mo dapat malimutan na, paano man tratuhin ng Diyos ang mga tao, ni anuman ang pagtingin Niya sa mga tao, ang posisyon, awtoridad, at pagkakakilanlan ng Diyos ay hindi kailanman nagbabago. Para sa sangkatauhan, ang Diyos ay palaging ang Panginoon ng lahat at ang Lumikha.
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa kabanalan ng Diyos? Sa bahaging iyan tungkol sa “kabanalan ng Diyos,” maliban sa katotohanan na ang kasamaan ni Satanas ay ginagamit bilang isang hadlang, ano ang pangunahing nilalaman ng ating talakayan tungkol sa kabanalan ng Diyos? Hindi ba ito ang kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos? Natatangi ba sa Diyos Mismo kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos? (Oo.) Iyon ang hindi taglay ng mga nilalang. Kaya sinasabi natin na natatangi ang kabanalan ng Diyos. Ito ay isang bagay na dapat ninyong maunawaan. Nagdaos tayo ng tatlong pagpupulong tungkol sa kabanalan ng Diyos. Maaari ba ninyong ilarawan sa sarili ninyong mga salita, sa sarili ninyong pagkaunawa, kung ano ang inyong paniniwala sa kabanalan ng Diyos? (Nang huli naming makaniig ang Diyos yumukod kami sa Kanyang harapan. Ibinahagi sa amin ng Diyos ang katotohanan tungkol sa pagpapatirapa at pagyukod upang sambahin Siya. Nakita namin na ang pagyukod para sambahin Siya bago tugunan ang Kanyang mga hinihingi ay hindi alinsunod sa Kanyang kalooban, at mula rito ay nakita namin ang kabanalan ng Diyos.) Talagang totoo iyan. May iba pa ba? (Sa mga salita ng Diyos sa sangkatauhan, nakikita namin na nangungusap Siya nang simple at malinaw. Prangka Siya at deretsahang magsalita. Si Satanas ay paliguy-ligoy kung magsalita at puno ng kasinungalingan. Sa nangyari sa amin noong huli nang nagpatirapa kami sa harap ng Diyos, nakita namin na ang Kanyang mga salita at ang Kanyang mga kilos ay palaging may prinsipyo. Lagi Siyang malinaw at maikling magsalita kapag sinasabi Niya sa amin kung paano kami dapat kumilos, paano kami dapat magmasid, at paano kami dapat magsagawa. Ngunit hindi ganito ang mga tao. Dahil ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, kumilos at nagsalita na sila ayon sa sarili nilang personal na mga motibo at layunin at nasasaisip ang sarili nilang personal na mga hangarin. Sa paraan ng pag-aalaga, paglingap at pagprotekta ng Diyos sa sangkatauhan, nakikita namin na lahat ng ginawa ng Diyos ay positibo at malinaw. Sa ganitong paraan namin nakikitang nahayag ang pinakadiwa ng kabanalan ng Diyos.) Magaling! Mayroon pa bang ibang may maidaragdag? (Sa pamamagitan ng paglalantad ng Diyos sa kasamaan ni Satanas, nakikita namin ang kabanalan ng Diyos, nagtatamo kami ng higit na kaalaman tungkol sa kasamaan ni Satanas, at nakikita namin ang pinagmumulan ng pagdurusa ng sangkatauhan. Noong araw, wala kaming kamalayan sa pagdurusa ng tao sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Matapos itong ihayag ng Diyos, saka lamang namin nakita na lahat ng pagdurusang nagmumula sa paghahangad sa katanyagan at kayamanan ay kagagawan ni Satanas. Noon lamang namin nadama na ang kabanalan ng Diyos ang tunay na kaligtasan ng sangkatauhan.) May maidaragdag pa ba? (Ang sangkatauhan, na tiwali, ay walang tunay na kaalaman at pagmamahal sa Diyos. Dahil hindi namin nauunawaan ang diwa ng kabanalan ng Diyos, at dahil, kapag nagpapatirapa at yumuyukod kami sa Kanyang harapan sa pagsamba, ginagawa namin iyon nang may maruruming kaisipan at mga lihim na motibo at layunin, hindi nasisiyahan ang Diyos. Nakikita namin na ang Diyos ay naiiba kay Satanas; gusto ni Satanas na sambahin at bolahin siya ng mga tao, magpatirapa sila at yumukod upang sambahin ito. Walang mga prinsipyo si Satanas. Mula rin dito, nabigyan ako ng kamalayan tungkol sa kabanalan ng Diyos.) Magaling! Ngayong nakapagbahagi na tayo tungkol sa kabanalan ng Diyos, nakikita ba ninyo ang pagkaperpekto ng Diyos? Nakikita ba ninyo na ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng positibong bagay? Nakikita ba ninyo na ang Diyos ang sagisag ng katotohanan at katarungan? Nakikita ba ninyo na ang Diyos ang pinagmumulan ng pagmamahal? Nakikita ba ninyo na lahat ng ginagawa ng Diyos, lahat ng Kanyang ipinapahayag, at lahat ng Kanyang inihahayag ay walang kamali-mali? (Oo.) Ito ang mga pangunahing punto ng nasabi Ko tungkol sa kabanalan ng Diyos. Ngayon, ang mga salitang ito ay tila doktrina lamang sa inyo, ngunit balang araw, kapag naranasan at nasaksihan ninyo ang tunay na Diyos Mismo mula sa Kanyang salita at Kanyang gawain, sasabihin ninyo mula sa kaibuturan ng inyong puso na ang Diyos ay banal, na ang Diyos ay naiiba sa sangkatauhan, at na ang Kanyang puso, disposisyon, at pinakadiwa ay banal lahat. Ang kabanalang ito ay nagtutulot sa tao na makita ang pagkaperpekto ng Diyos at makita na ang pinakadiwa ng kabanalan ng Diyos ay dalisay. Ang pinakadiwa ng Kanyang kabanalan ang nagpapasiya na Siya ang Diyos Mismo, ang natatangi, at kapwa din nito tinutulutan ang tao na makakita at pinatutunayan na Siya ang natatanging Diyos Mismo. Hindi ba ito ang pangunahing punto? (Ito nga.)
Nakagawa tayo ngayon ng pagbubuod ng ilang paksa mula sa nakaraang mga pagbabahagi. Tinatapos nito ang pagbubuod ngayon. Umaasa Ako na isasapuso ninyong lahat ang pangunahing puntos ng bagay at paksa. Huwag ninyong isipin na doktrina lamang ang mga ito; kapag mayroon kayong libreng oras, talagang basahin ninyo ang mga ito at subuking pagnilayan ang mga ito. Isapuso ninyo ang mga ito at gawing totoo ang mga ito—pagkatapos ay tunay mong mararanasan ang lahat ng nasabi Ko tungkol sa realidad ng paghahayag ng Diyos ng Kanyang disposisyon at paghahayag ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Gayunman, kung itatala mo lamang ang mga ito sa iyong kuwaderno at hindi mo babasahing mabuti o pag-iisipan ang mga ito, hindi mo matatamo ang mga ito kailanman para sa sarili mo. Nauunawaan mo na ngayon, hindi ba? Pagkatapos mag-usap-usap tungkol sa tatlong paksang ito, kapag nagtamo ang mga tao ng pangkalahatan—o kahit ng partikular—na pagkaunawa sa pagkakakilanlan, pinakadiwa, at disposisyon ng Diyos, ganap na ba nilang mauunawaan ang Diyos? (Hindi.) Ngayon, sa sarili ninyong pagkaunawa sa Diyos, may iba pa bang mga aspeto kung saan sa pakiramdam ninyo ay kailangan pa ninyo ng mas malalim na pag-unawa? Ibig sabihin, ngayong nagtamo ka na ng pagkaunawa tungkol sa awtoridad ng Diyos, sa Kanyang matuwid na disposisyon, at sa Kanyang kabanalan, marahil ay naitatag mo na sa iyong isipan ang Kanyang natatanging pagkakakilanlan at kalagayan; subalit kailangan mo pa ring makita, maunawaan, at mapalalim ang iyong kaalaman tungkol sa Kanyang mga kilos, Kanyang kapangyarihan, at sa Kanyang pinakadiwa sa pamamagitan ng sarili mong karanasan. Ngayong nakinig na kayo sa mga pagbabahaging ito, kahit paano ay nakatatag na sa inyong puso ang isang saligan ng pananampalataya: Totoong mayroong Diyos, at totoong pinangangasiwaan Niya ang lahat ng bagay. Hindi maaaring suwayin ng sinumang tao ang Kanyang matuwid na disposisyon; ang Kanyang kabanalan ay isang katiyakang hindi maaaring pagdudahan ng sinuman. Totoo ang mga ito. Itinutulot ng mga pagbabahaging ito ang pagkakakilanlan at posisyon ng Diyos na magkaroon ng pundasyon sa puso ng mga tao. Kapag naitatag na ang pundasyong ito, kailangang sikapin ng mga tao na higit na makaunawa.
Kuwento 1: Isang Binhi, Lupa, Isang Puno, ang Sikat ng Araw, mga Ibon, at Tao
Sa araw na ito ay magbabahagi Ako sa inyo tungkol sa isang bagong paksa. Ano ang paksang ito? Ang pamagat nito ay: “Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay para sa Lahat ng Bagay.” Hindi ba medyo napakalaki ng paksang ito? Para bang hindi ninyo ito kayang abutin? “Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay para sa Lahat ng Bagay”—maaaring isipin ng mga tao na malayong mangyari ang paksang ito, ngunit kailangan itong maunawaan ng lahat ng sumusunod sa Diyos, dahil hindi ito maihihiwalay sa kaalaman ng bawat tao tungkol sa Diyos at sa kanilang kakayahang palugurin at katakutan Siya. Kaya nga Ako magbabahagi tungkol sa paksang ito. Medyo posible na may simple at naunang pagkaunawa ang mga tao sa paksang ito, o marahil ay batid nila ito kahit paano. Maaaring ang kaalaman o kamalayang ito, sa isipan ng ilang tao, ay may kalakip na isang simple o mababaw na antas ng pagkaunawa. Maaaring ang iba ay may ilang espesyal na karanasan sa kanilang puso na nag-akay sa kanila patungo sa malalim at personal na karanasan sa paksang ito. Ngunit ang naunang kaalamang iyon, malalim man o mababaw, ay may pinapanigan at hindi sapat ang katiyakan. Kaya, ito ang dahilan kaya Ko napili ang paksang ito para sa pagbabahagi: upang tulungan kayong magtamo ng mas malalim at mas tiyak na pagkaunawa. Gagamit Ako ng isang espesyal na paraan upang magbahagi sa inyo tungkol sa paksang ito, isang pamamaraang hindi pa natin nagamit noon, isang pamamaraan na maaari ninyong matagpuan na medyo hindi pangkaraniwan, o medyo hindi komportable. Malalaman ninyo ang ibig Kong sabihin pagkatapos. Mahilig ba kayo sa mga kuwento? (Oo.) Kung gayon, tila mabuti ang pasiya Kong magkuwento, yamang mahilig kayong lahat sa mga ito. Ngayon, magsimula na tayo. Hindi na ninyo kailangang magtala. Hinihiling Ko na maging kalmado kayo, at huwag malikot. Maaari kayong pumikit kung sa tingin ninyo’y maaari kayong magambala ng inyong kapaligiran o ng mga tao sa paligid ninyo. Mayroon Akong isang magandang kuwentong ilalahad sa inyo. Ito ay isang kuwento tungkol sa isang binhi, lupa, isang puno, sikat ng araw, mga ibon, at tao. Sino ang mga pangunahing tauhan dito? (Isang binhi, lupa, isang puno, sikat ng araw, mga ibon, at tao.) Isa ba ang Diyos sa kanila? (Hindi.) Gayon pa man, natitiyak Ko na magiginhawahan at masisiyahan kayo pagkatapos ninyong marinig ang kuwentong ito. Ngayon, mangyaring tahimik na makinig.
Nalaglag sa lupa ang isang maliit na binhi. Bumuhos ang napakalakas na ulan, at nagkaroon ng murang usbong ang binhi, habang ang mga ugat nito ay dahan-dahang sumiksik sa ilalim ng lupa. Lumago ang usbong sa paglipas ng panahon, na tinitiis ang malulupit na hangin at matitinding ulan, na sumasaksi sa pagpapalit ng mga panahon habang lumalaki at lumiliit ang buwan. Sa tag-araw, nagkaloob ng tubig ang lupa upang makayanan ng usbong ang nakakapasong init ng panahon. At dahil sa lupa, hindi natuyo sa init ang usbong, at sa gayon ay lumipas ang pinakamalalang init ng tag-araw. Pagsapit ng taglamig, binalot ng mainit na yakap ng lupa ang usbong, at kumapit nang mahigpit ang lupa at usbong sa isa’t isa. Binigyan ng lupa ng init ang usbong, at sa gayon ay nabuhay ito sa kabila ng masaklap na lamig ng panahon, at hindi napinsala ng malalamig na unos at bagyo ng niyebe. Kinakanlungan ng lupa, lumagong matapang at masaya ang usbong; pinagyaman ng lupa nang walang pag-iimbot, lumago ito nang malusog at matatag. Masaya itong lumago, umaawit sa ulan, sumasayaw at umiindayog sa ihip ng hangin. Umaasa ang usbong at ang lupa sa isa’t isa …
Lumipas ang mga taon, at lumago ang usbong at naging matayog na puno. Matatag itong tumayo sa ibabaw ng lupa, na may matatabang sanga na may napakaraming dahon. Ang mga ugat ng puno ay patuloy na nakabaon sa lupa tulad ng dati, at nakabaon na nang malalim sa lupa. Ang lupa, na minsang nagprotekta sa munting usbong, ang siya na ngayong pundasyon para sa isang napakalaking puno.
Isang sinag ng sikat ng araw ang kuminang sa puno. Inindayog ng puno ang katawan nito at iniunat nang husto ang mga sanga nito at sininghot nang malalim ang hanging naliliwanagan ng araw. Pagkatapos noon, umihip ang sariwang hangin mula sa mga sanga, at nanginig sa tuwa ang puno, na masiglang kumikislot-kislot. Umaasa ang puno at ang sikat ng araw sa isa’t isa …
Naupo ang mga tao sa malamig na lilim ng puno at nagpakasaya sa mabilis at mabangong hangin. Nilinis ng hangin ang kanilang puso’t mga baga, at nilinis nito ang dugong nananalaytay sa kanila, at hindi na matamlay o mabigat ang kanilang katawan. Umaasa ang mga tao at ang puno sa isa’t isa …
Dumapo ang isang kawan ng humuhuning mga ibon sa mga sanga ng puno. Marahil ay lumapag ang mga ito roon upang iwasan ang isang maninila, o upang magparami at palakihin ang kanilang mga inakay, o marahil ay nagpapahinga lang sila sandali. Umaasa ang mga ibon at ang puno sa isa’t isa …
Ang mga ugat ng puno, na baluktot at buhul-buhol, ay nakabaon nang malalim sa lupa. Gamit ang katawan nito, kinanlungan nito ang lupa mula sa hangin at ulan, at iniunat ang mga sanga nito upang protektahan ang lupa sa paanan nito. Ginawa iyon ng puno dahil ang lupa ang ina nito. Pinalalakas nila ang isa’t isa at umaasa sila sa isa’t isa, at hindi sila kailanman maghihiwalay …
Kaya, nagwawakas ang kuwentong ito. Ang ikinuwento Ko ay tungkol sa isang binhi, lupa, isang puno, sikat ng araw, mga ibon, at tao. Iilang tagpo lamang iyon. Ano ang ipinadama nito sa inyo? Kapag nagsasalita Ako sa ganitong paraan, nauunawaan ba ninyo ang sinasabi Ko? (Nauunawaan namin.) Sabihin naman ninyo ang nadama ninyo. Ano ang nadama ninyo matapos marinig ang kuwentong ito? Dapat Ko munang sabihin sa inyo na lahat ng tauhan sa kuwento ay makikita at mahahawakan; totoo ang mga ito, hindi mga talinghaga. Nais Kong isaalang-alang ninyo ang Aking sinabi. Walang anumang malabo sa Aking kuwento, at maipapahayag ang mga pangunahing punto nito sa ilang pangungusap mula sa kuwento. (Maganda ang inilalarawan ng kuwentong narinig namin. Nabuhay ang isang binhi at habang ito ay lumalago, nararanasan nito ang apat na panahon ng taon: tagsibol, tag-araw, taglagas, at taglamig. Pinagyaman ng lupa ang umuusbong na binhi na tulad ng gagawin ng isang ina. Binibigyan nito ang usbong ng init sa taglamig upang matagalan nito ang lamig. Nang maging puno na ang usbong, sinisinagan ng sikat ng araw ang mga sanga nito, na nagdudulot dito ng labis na kagalakan. Nakikita ko na sa lahat ng nilikha ng Diyos, buhay rin ang lupa, at na umaasa ito at ang puno sa isa’t isa. Nakikita ko rin ang matinding init na ipinagkakaloob ng sikat ng araw sa puno, at nakikita ko nakikitipon ang mga ibon, karaniwang nilalang man ang mga ito, sa puno at sa mga tao sa isang larawan ng lubos na pagkakaisa. Ito ang nadama ko sa puso ko nang pakinggan ko ang kuwentong ito; napagtanto ko na lahat ng bagay ay talagang buhay.) Magaling! May idaragdag pa ba ang sinuman? (Sa kuwentong ito ng isang binhing umuusbong at lumalago hanggang sa maging isang mataas na puno, nakikita ko ang pagiging kamangha-mangha ng likha ng Diyos. Nakikita ko na ginawa ng Diyos na lahat ng bagay ay nagpapatibay at umaasa sa isa’t isa, at na lahat ng bagay ay magkakaugnay at naglilingkod sa isa’t isa. Nakikita ko ang karunungan ng Diyos, ang Kanyang pagiging kamangha-mangha, at nakikita ko na Siya ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay.)
Lahat ng kasasabi Ko pa lang ay isang bagay na nakita na ninyo dati. Ang mga binhi, halimbawa—lumalago ang mga ito at nagiging mga puno, at bagama’t maaaring hindi mo kayang makita ang bawat detalye ng proseso, alam mo na nangyayari ito, hindi ba? Alam mo rin ang tungkol sa lupa at sa sikat ng araw. Ang imahe ng mga ibong nakadapo sa isang puno ay isang bagay na nakita na ng lahat, tama ba? At ang imahe ng mga taong nagpapalamig sa lilim ng isang puno—nakita na ninyong lahat ito, tama ba? (Oo.) Kung gayon, kapag nasa iisang imahe lamang ang lahat ng bagay na ito, ano ang ipinadarama ng imahe? (Damdamin ng pagkakaisa.) Nagmumula ba sa Diyos ang bawat isa sa mga bagay na nasa imaheng iyon? (Oo.) Dahil nagmumula sila sa Diyos, alam ng Diyos ang kahalagahan at kabuluhan ng pag-iral sa mundo ng lahat ng iba’t ibang bagay na ito. Nang likhain ng Diyos ang lahat ng bagay, nang planuhin at likhain Niya ang bawat bagay, ginawa Niya iyon nang may layon; at nang likhain Niya ang mga bagay na iyon, bawat isa ay puno ng buhay. Ang kapaligirang nilikha Niya para sa pag-iral ng sangkatauhan, tulad ng kalalarawan sa ating kuwento, ay isang kapaligiran kung saan umaasa ang mga binhi at ang lupa sa isa’t isa, kung saan mapagyayaman ng lupa ang mga binhi at nakabaon ang mga binhi sa lupa. Ang ugnayang ito ay itinalaga ng Diyos sa pinakasimula ng Kanyang paglikha. Ang tagpo ng isang puno, sikat ng araw, mga ibon, at mga tao ay isang paglalarawan ng buhay na kapaligirang nilikha ng Diyos para sa sangkatauhan. Una, hindi maaiiwanan ng puno ang lupa, ni hindi ito maaaring mawalan ng sikat ng araw. Kung gayon, ano ang layunin ng Diyos sa paglikha ng puno? Masasabi ba natin na para lamang ito sa lupa? Masasabi ba natin na para lamang ito sa mga ibon? Masasabi ba natin na para lamang ito sa mga tao? (Hindi.) Ano ang kaugnayan sa pagitan nila? Ang kaugnayan sa pagitan nila ay pinalalakas nila ang isa’t isa, umaasa sila sa isa’t isa at hindi sila mapaghihiwalay. Ibig sabihin, ang lupa, ang puno, ang sikat ng araw, ang mga ibon, at ang mga tao ay umaasa sa isa’t isa para umiral at pangalagaan ang isa’t isa. Pinoprotektahan ng puno ang lupa, at pinagyayaman ng lupa ang puno; pinalalakas ng sikat ng araw ang puno, samantalang nakakakuha ng sariwang hangin ang puno mula sa sikat ng araw at binabawasan ang nakakapasong init ng araw sa lupa. Sino ang nakikinabang dito sa huli? Ang sangkatauhan, hindi ba? Ito ay isa sa mga prinsipyo sa likod ng kapaligirang tinitirhan ng sangkatauhan, na nilikha ng Diyos; ito ang nilayon ng Diyos noong una pa man. Kahit simple ang imaheng ito, makikita natin dito ang karunungan ng Diyos at ang Kanyang layon. Hindi mabubuhay ang sangkatauhan kung wala ang lupa, o wala ang mga puno, lalo na kung wala ang mga ibon at ang sikat ng araw. Hindi ba ganoon ito? Kahit ito ay isang kuwento lamang, ang ipinapakita nito ay isang munting paglalarawan ng paglikha ng Diyos sa kalangitan at lupa at lahat ng bagay at sa Kanyang kaloob na isang kapaligiran kung saan maaaring mabuhay ang sangkatauhan.
Nilikha ng Diyos ang kalangitan at lupa at lahat ng bagay para sa sangkatauhan, pati na ang isang kapaligiran upang tirhan. Una, ang pangunahing puntong tinalakay ng ating kuwento ay ang pagpapalakas sa isa’t isa, pag-asa sa isa’t isa, at ang pag-iral ng lahat ng bagay nang magkakasama. Sa ilalim ng prinsipyong ito, ang kapaligiran ng pag-iral ng sangkatauhan ay protektado; maaari itong umiral at mapanatili. Dahil dito, ang sangkatauhan ay maaaring umunlad at magparami. Ang imaheng nakita natin ay ang puno, ang lupa, sikat ng araw, mga ibon, at mga tao na magkakasama. Nasa imaheng ito ba ang Diyos? Hindi Siya nakita roon ninuman. Ngunit nakita nga ng isang tao ang panuntunan ng pagpapalakas at pag-asa sa isa’t isa sa pagitan ng mga bagay sa tagpong ito; sa panuntunang ito, nakikita ng isang tao ang pag-iral at dakilang kapangyarihan ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang prinsipyong iyon at patakarang iyon upang ingatan ang buhay at pag-iral ng lahat ng bagay. Sa ganitong paraan, naglalaan Siya para sa lahat ng bagay at para sa sangkatauhan. May koneksyon ba ang kuwentong ito sa ating pangunahing tema? Sa tingin, parang wala, ngunit ang totoo, ang panuntunang ginamit ng Diyos sa paglikha ng lahat ng bagay at sa Kanyang kapamahalaan sa lahat ng bagay ay lubhang nauugnay sa Kanyang pagiging pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay. Ang mga katunayang ito ay hindi mapaghihiwalay. Ngayon ay nagsisimula na kayong matuto!
Ang Diyos ang nag-uutos sa mga patakarang namamahala sa operasyon ng lahat ng bagay; Siya ang nag-uutos sa mga patakarang namamahala sa ikabubuhay ng lahat ng bagay; Siya ang nagkokontrol sa lahat ng bagay, at nagtatalaga sa mga ito na kapwa magpatibay at umasa sa isa’t isa, para hindi mapahamak o maglaho ang mga ito. Sa gayon lamang maaaring patuloy na mabuhay ang sangkatauhan; sa gayon lamang sila maaaring mabuhay sa ilalim ng patnubay ng Diyos sa gayong kapaligiran. Ang Diyos ang maestro ng mga patakarang ito ng operasyon, at walang sinuman ang maaaring makialam sa mga ito, ni hindi nila mababago ang mga ito. Tanging ang Diyos Mismo ang nakakaalam sa mga patakarang ito at Siya Mismo lamang ang nakapamamahala sa mga ito. Kung kailan uusbong ang mga puno, kung kailan uulan, gaano karaming tubig at gaano karaming sustansiya ang ibibigay ng lupa sa mga halaman; sa anong panahon malalaglag ang mga dahon; sa anong panahon mamumunga ang mga puno; gaano karaming sustansiya ang ibibigay ng sikat ng araw sa mga puno; ano ang ihihingang palabas ng mga puno matapos mapakain ng sikat ng araw—ang lahat ng bagay na ito ay patiunang itinalaga ng Diyos nang likhain Niya ang lahat ng bagay, bilang mga patakaran na walang makasisira. Ang mga bagay na nilikha ng Diyos, maging sila ay buhay o lumilitaw na walang buhay sa mga mata ng tao, ay nasa kamay Niya, kung saan Niya sila kinokontrol at pinaghaharian. Walang sinuman ang makapagbabago o makasisira sa mga patakarang ito. Ibig sabihin, nang nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, patiunang itinakda Niya na kung wala ang lupa, ang puno ay hindi maaaring magkaugat, umusbong, at lumago; na kung ang lupa ay walang mga puno, ito ay matutuyo; na ang puno ang magiging tahanan ng mga ibon at ang lugar kung saan sila maaaring magkanlong mula sa malakas na hangin. Mabubuhay ba ang puno kung wala ang lupa? Hinding-hindi. Mabubuhay ba ito kung walang araw o ulan? Hindi rin. Ang lahat ng bagay na ito ay para sa sangkatauhan, para sa ikabubuhay ng sangkatauhan. Mula sa puno, nakatatanggap ang tao ng sariwang hangin, at nabubuhay sa ibabaw ng lupa, na pinangangalagaan ng puno. Hindi mabubuhay ang tao nang walang sikat ng araw o iba’t ibang mga bagay na nabubuhay. Bagaman kumplikado ang mga ugnayang ito, kailangan mong tandaan na nilikha ng Diyos ang mga patakaran na namamahala sa lahat ng bagay upang mapalakas ng mga ito ang isa’t isa, umasa ang mga ito sa isa’t isa, at sama-samang umiral. Sa madaling salita, bawa’t isang bagay na Kanyang nilikha ay may halaga at kabuluhan. Kung ang Diyos ay lumikha ng isang bagay na walang kabuluhan, paglalahuin ito ng Diyos. Ito ay isa sa mga pamamaraan na ginagamit ng Diyos upang maglaan para sa lahat ng bagay. Ano ang tinutukoy ng mga salitang “maglaan para sa” sa kuwentong ito? Dinidiligan ba ng Diyos ang puno araw-araw? Kailangan ba ng puno ang tulong ng Diyos para makahinga? (Hindi.) Ang “maglaan para sa” dito ay tumutukoy sa pamamahala ng Diyos sa lahat ng bagay pagkatapos ng kanilang paglikha; sapat na para sa Diyos na pamahalaan ang mga ito matapos itatag ang mga patakarang namamahala sa kanila. Sa sandaling maitanim ang binhi sa lupa, ang puno ay lumalagong mag-isa. Ang mga kondisyon para sa paglago nito ay nilikha lahat ng Diyos. Ginawa ng Diyos ang sikat ng araw, ang tubig, ang lupa, ang hangin, at ang nakapaligid na kapaligiran; ginawa ng Diyos ang malakas na hangin, nagyelong hamog, niyebe, at ulan at ang apat na panahon. Ito ang mga kondisyon na kinakailangan ng puno upang lumago, at ito ang mga bagay na inihanda ng Diyos. Kaya, ang Diyos ba ang pinagmumulan nitong buhay na kapaligiran? (Oo.) Kailangan bang bilangin ng Diyos ang bawa’t dahon sa mga puno araw-araw? Hindi! Ni hindi rin kailangan na tulungan ng Diyos ang puno na makahinga o gisingin araw-araw ang sikat ng araw, na nagsasabing, “Oras na upang magbigay ng liwanag sa mga puno ngayon.” Hindi Niya kailangang gawin iyon. Ang araw ay sumisikat nang kusa kapag oras na para sumikat ito, alinsunod sa mga patakaran; lumilitaw at nagliliwanag ito sa puno at sinisipsip ng puno ang sikat ng araw kapag kinakailangan, at kapag hindi, ang puno ay nabubuhay pa rin sa ilalim ng mga patakaran. Maaaring hindi ninyo kayang ipaliwanag ang kababalaghang ito nang malinaw, nguni’t ito ay isang katunayan gayunpaman, na maaaring makita at kilalanin ng lahat. Ang dapat mo lang gawin ay tanggapin na ang mga patakarang namamahala sa pag-iral ng lahat ng bagay ay mula sa Diyos, at malaman na ang Diyos ay may kapangyarihan sa paglago at ikabubuhay ng lahat ng bagay.
Ngayon, naglalaman ba ang kuwentong ito ng tinutukoy ng mga tao na isang “metapora”? Ito ba ay isang personipikasyon? (Hindi.) Totoo ang naikuwento Ko. Lahat ng klase ng bagay na nabubuhay, lahat ng bagay na may buhay, ay pinamamahalaan ng Diyos; bawat bagay na nabubuhay ay pinuspos ng buhay ng Diyos nang likhain ito; ang buhay ng bawat bagay na nabubuhay ay nagmumula sa Diyos at sumusunod sa landas at mga batas na gumagabay rito. Hindi kinakailangan ng tao na baguhin ito, ni hindi nito kinakailangan ang tulong ng tao; ito ang isa sa mga paraan na naglalaan ang Diyos para sa lahat ng bagay. Nauunawaan ninyo, hindi ba? Palagay ba ninyo kailangan itong kilalanin ng mga tao? (Oo.) Kaya, may kinalaman ba ang kuwentong ito sa biology? May kaugnayan ba ito kahit paano sa isang larangan ng kaalaman o isang sangay ng pag-aaral? Hindi biology ang tinatalakay natin, at tiyak na hindi tayo nagsasagawa ng pagsasaliksik sa biology. Ano ang pangunahing ideya ng ating pag-uusap? (Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay.) Ano ang nakita ninyo sa lahat ng bagay na nilikha? Nakakita ba kayo ng mga puno? Nakita na ba ninyo ang lupa? (Oo.) Nakita na ninyo ang sikat ng araw, hindi ba? Nakakita na ba kayo ng mga ibong nakadapo sa mga puno? (Oo.) Masaya ba ang sangkatauhan na mamuhay sa gayong kapaligiran? (Oo.) Ibig sabihin, ginagamit ng Diyos ang lahat ng bagay—ang mga bagay na Kanyang nilikha—upang mapanatili at maprotektahan ang tahanan ng sangkatauhan, ang kapaligiran ng kanilang buhay. Sa ganitong paraan, naglalaan ang Diyos para sa sangkatauhan at para sa lahat ng bagay.
Nagustuhan ba ninyo ang estilo ng pananalitang ito, ang paraan ng Aking pagbabahagi? (Madali itong maunawaan, at maraming halimbawa sa tunay na buhay.) Hindi hungkag ang mga salitang sinasabi Ko, hindi ba? Kailangan ba ng mga tao ang kuwentong ito upang maunawaan na ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay? (Oo.) Kung gayon, magpatuloy tayo sa ating susunod na kuwento. Ang susunod na kuwento ay medyo naiiba ang nilalaman, at medyo iba rin ang tuon. Lahat ng lumilitaw sa kuwentong ito ay nakikita mismo ng mga tao sa mga nilikha ng Diyos. Ngayon, sisimulan Ko ang susunod Kong ikukuwento. Mangyari lamang na makinig kayo nang tahimik at tingnan ninyo kung mauunawaan ninyo ang ibig Kong sabihin. Pagkatapos Kong magkuwento, tatanungin Ko kayo ng ilang bagay upang makita kung gaano karami ang natutuhan ninyo. Ang mga tauhan sa kuwentong ito ay isang mataas na bundok, isang munting sapa, isang malakas na hangin, at isang napakalaking alon.
Kuwento 2: Isang Mataas na Bundok, Isang Munting Sapa, Isang Malakas na Hangin, at Isang Napakalaking Alon
May isang munting sapa na paliku-liko ang daloy, hanggang sa bandang huli ay makarating sa paanan ng isang mataas na bundok. Nakaharang ang bundok sa daanan ng munting sapa, kaya sinabi ng munting sapa sa bundok sa mahina at maliit na boses nito, “Paraan naman. Sagabal ka sa daanan ko at nakaharang ka sa daanan ko.” “Saan ka pupunta?” tanong ng bundok. “Hinahanap ko ang bahay ko,” sagot ng sapa. “Sige, humayo ka at dumaloy sa ibabaw ko!” Ngunit napakahina at napakaliit pa ng sapa, kaya walang paraan para makadaloy ito sa ibabaw ng gayon kataas na bundok. Maaari lamang patuloy na dumaloy iyon doon sa may paanan ng bundok …
Umihip ang isang malakas na hangin, na may dalang buhangin at basura kung saan nakatayo ang bundok. Umugong ang hangin sa bundok, “Paraanin mo ako!” “Saan ka pupunta?” tanong ng bundok. “Gusto kong magpunta sa kabila ng bundok,” umuugong na sagot ng hangin. “Sige, kung kaya mong lumusot sa gitna ko, sumige ka!” Umugong nang umugong ang malakas na hangin, ngunit gaano man kalakas itong umihip, hindi ito makalusot sa gitna ng bundok. Napagod ang hangin at tumigil para magpahinga—at sa kabila ng bundok, nagsimulang umihip ang banayad na hangin, na ikinagalak ng mga tao roon. Ito ang naging pagbati ng bundok sa mga tao …
Sa dalampasigan, ang wisik ng karagatan ay marahang gumulong sa mabatong baybayin. Biglang dumating ang isang napakalaking alon at rumagasa patungo sa bundok. “Tabi!” sigaw ng napakalaking alon. “Saan ka pupunta?” tanong ng bundok. Hindi mapigil ang pagsulong nito, dumagundong ang alon, “Pinapalawak ko ang aking teritoryo! Gusto kong iunat ang mga braso ko!” “Sige, kung makakalagpas ka sa tuktok ko, pararaanin kita.” Umatras nang kaunti ang napakalaking alon, at muling dumaluyong patungo sa bundok. Ngunit gaano man ito nagsikap, hindi ito makalagpas sa tuktok ng bundok. Gumulong lamang nang dahan-dahan ang alon pabalik sa dagat …
Sa loob ng libu-libong taon, marahang umagos ang munting sapa sa paligid ng paanan ng bundok. Sa pagsunod sa mga bilin ng bundok, nakabalik ang munting sapa sa pinagmulan nito, kung saan sumanib ito sa isang ilog, na sumanib naman sa dagat. Sa ilalim ng pangangalaga ng bundok, hindi kailanman naligaw ang munting sapa. Pinatibay ng sapa at ng bundok ang isa’t isa at umasa sila sa isa’t isa; pinalakas nila ang isa’t isa, kinontra ang isa’t isa, at umiral sila nang magkasama.
Sa loob ng libu-libong taon, umihip ang malakas na hangin, tulad ng nakagawian nito. “Dinalaw” pa rin nito nang madalas ang bundok, na may kasamang mga pag-alimpuyo ng buhangin na umiikot sa mga pagbugso nito. Nagbanta ito sa bundok, ngunit hindi ito nakalusot kailanman sa gitna nito. Pinatibay ng hangin at ng bundok ang isa’t isa at umasa sila sa isa’t isa; pinalakas nila ang isa’t isa, kinontra ang isa’t isa, at umiral sila nang magkasama.
Sa loob ng libu-libong taon, hindi tumigil ang napakalaking alon kailanman para magpahinga, at walang-tigil itong rumagasa pasulong, na patuloy na pinalalawak ang teritoryo nito. Dumadagundong ito at dumaluyong nang paulit-ulit patungo sa bundok, subalit hindi kailanman gumalaw ang bundok kahit isang pulgada. Binantayan ng bundok ang dagat, at sa ganitong paraan, dumami at lumago ang mga nilalang sa dagat. Pinatibay ng alon at ng bundok ang isa’t isa at umasa sila sa isa’t isa; pinalakas nila ang isa’t isa, kinontra ang isa’t isa, at umiral sila nang magkasama.
Diyan nagtatapos ang ating kuwento. Una, sabihin ninyo sa Akin, tungkol saan ang kuwentong ito? Sa simula, may isang mataas na bundok, isang munting sapa, isang malakas na hangin, at isang napakalaking alon. Ano ang nangyari sa unang bahagi, sa munting sapa at sa mataas na bundok? Bakit Ko napiling magkuwento tungkol sa isang sapa at isang bundok? (Sa pangangalaga ng bundok, hindi naligaw ng landas ang sapa kailanman. Umasa sila sa isa’t isa.) Sasabihin ba ninyo na pinrotektahan o hinarangan ng bundok ang munting sapa? (Pinrotektahan ito.) Ngunit hindi ba nito hinarangan iyon? Iningatan nito at ng sapa ang isa’t isa; pinrotektahan ng bundok ang sapa at hinarangan din iyon. Pinrotektahan ng bundok ang sapa nang sumanib ito sa ilog, ngunit hinarangan ito para hindi ito dumaloy kung saan-saan, at magsanhi ng mga pagbaha at kapahamakan sa mga tao. Hindi ba tungkol dito ang bahaging ito? Sa pagprotekta sa sapa at pagharang dito, naingatan ng bundok ang mga bahay ng mga tao. Pagkatapos ay sumanib ang sapa sa ilog sa paanan ng bundok at dumaloy papunta sa dagat. Hindi ba ito ang panuntunang namamahala sa pag-iral ng sapa? Ano ang nagbigay-kakayahan sa sapa na sumanib sa ilog at sa dagat? Hindi ba ang bundok? Umasa ang sapa sa proteksyon ng bundok at sa pagharang nito. Kaya, hindi ba ito ang pangunahing punto? Nakikita mo ba rito ang kahalagahan ng mga bundok sa tubig? May layunin ba ang Diyos sa paggawa Niya sa bawat bundok, mataas at mababa? (Oo.) Ipinapakita sa atin ng maikling bahaging ito ng kuwento, na walang anuman maliban sa isang munting sapa at isang mataas na bundok, ang halaga at kabuluhan ng paglikha ng Diyos sa dalawang ito; ipinapakita rin nito sa atin ang Kanyang karunungan at layunin sa Kanyang pamamahala sa mga ito. Hindi ba ganoon?
Tungkol saan ang ikalawang bahagi ng kuwento? (Isang malakas na hangin at ang mataas na bundok.) Mabuting bagay ba ang hangin? (Oo.) Hindi sa lahat ng oras—kung minsan ay napakalakas ng hangin at nagsasanhi ng kapinsalaan. Ano ang madarama mo kung patayuin ka sa gitna ng malakas na hangin? Depende iyan sa lakas nito. Kung ikatlo o ikaapat na lebel lamang ang hangin, matatagalan pa. Kadalasan, maaaring mahirapan ang isang tao na manatiling nakamulat ang mga mata. Ngunit kung lumakas ang hangin at naging bagyo, matatagalan mo ba iyon? Hindi. Kaya, maling sabihin ng mga tao na palaging mabuti ang hangin, o na palagi itong masama, dahil depende ito sa lakas nito. Ngayon, ano ang tungkulin ng bundok dito? Hindi ba para salain ang hangin? Ano ang ginagawa ng bundok sa malakas na hangin? (Ginagawa itong banayad.) Ngayon, sa kapaligirang tinitirhan ng mga tao, nakakaranas ba ang karamihan sa mga tao ng malalakas na hangin o ng mga banayad na hangin? (Mga banayad na hangin.) Hindi ba isa ito sa mga layunin ng Diyos, isa sa Kanyang mga layon sa paglikha ng mga bundok? Ano kaya ang mangyayari kung nakatira ang mga tao sa isang kapaligiran kung saan mabangis na umiikot sa malakas na hangin ang buhangin, nang walang sumasangga o humaharang dito? Maaari kayang hindi maaaring tirhan ang isang lupain na palaging may nagliliparang buhangin at bato? Maaaring tumama ang nagliliparang mga bato sa mga tao, at maaari silang bulagin ng buhangin. Maaaring tangayin ng malakas na hangin ang mga tao o ilipad sila nito sa hangin. Maaaring masira ang mga bahay, at mangyari ang lahat ng uri ng kapinsalaan. Subalit may halaga ba ang pag-iral ng malakas na hangin? Sinabi Kong masama iyon, kaya maaaring madama ng isang tao na wala itong halaga, ngunit ganoon nga ba? Wala ba iyong halaga kapag naging banayad na hangin iyon? Ano ang pinaka-kailangan ng mga tao kapag mahalumigmig o napakainit? Kailangan nila ng banayad na hangin, upang marahang umihip sa kanila, upang mapreskuhan sila at tumigil na sa kaiisip, upang tumalas ang kanilang isipan, upang ayusin at pagandahin ang estado ng kanilang pag-iisip. Ngayon, halimbawa, nakaupo kayong lahat sa isang silid na maraming tao at walang hangin—ano ang pinaka-kailangan ninyo? (Isang banayad na hangin.) Ang pagpunta sa isang lugar kung saan malagkit at marumi ang hangin ay mapapabagal ang pag-iisip ng isang tao, mapapababa ang daloy ng kanilang dugo, at makakabawas sa kalinawan ng isipan. Gayunman, ang kaunting paggalaw at paglibot ay magpapasariwa sa hangin, at iba ang pakiramdam ng mga tao sa sariwang hangin. Bagama’t maaaring magsanhi ng kapinsalaan ang munting sapa, bagama’t maaaring magsanhi ng kapinsalaan ang malakas na hangin, hangga’t naroon ang bundok, ang panganib ay gagawin nitong isang puwersang kapaki-pakinabang sa mga tao. Hindi ba tama iyon?
Tungkol saan ang ikatlong sipi ng kuwento? (Ang malaking bundok at ang dambuhalang alon.) Ang malaking bundok at ang dambuhalang alon. Ang tagpo ng siping ito ay sa dalampasigan sa paanan ng bundok. Makikita natin ang bundok, ang tilamsik ng karagatan, at isang napakalaking alon. Ano ang silbi ng bundok sa alon sa pagkakataong ito? (Isang tagapagsanggalang at isang harang.) Ito ay kapwa tagapagsanggalang at harang. Bilang isang tagapagsanggalang, pinipigilan nito ang paglaho ng dagat, upang makapagparami at umunlad ang mga nilalang na naninirahan dito. Bilang isang harang, pinipigilan nito ang tubig-dagat na umapaw at maging sanhi ng sakuna, na makapinsala at makasira sa mga tahanan ng mga tao. Kaya masasabi natin na ang bundok ay kapwa tagapagsanggalang at harang.
Ito ang kabuluhan ng pagkakaugnay ng malaking bundok at ng munting sapa, ng malaking bundok at ng malakas na hangin, at ng malaking bundok at ng dambuhalang alon; ito ang kabuluhan ng kanilang pagpapalakas at paglilimita sa isa’t isa, at ng pag-iral nila nang magkakasama. Ang mga bagay na ito, na nilikha ng Diyos, ay pinamumunuan sa kanilang pag-iral ng isang patakaran at isang batas. Kaya, anong mga gawa ng Diyos ang nakita ninyo sa kuwentong ito? Hindi na ba pinapansin ng Diyos ang lahat ng bagay mula nang likhain Niya ang mga ito? Gumawa ba Siya ng mga patakaran at dinisenyo ang mga paraan ng pagtakbo ng lahat ng bagay, para lamang pabayaan ang mga ito pagkatapos? Iyon ba ang nangyari? (Hindi.) Ano ang nangyari kung gayon? Kontrolado pa rin ng Diyos ang mga bagay-bagay. Kontrolado Niya ang tubig, ang hangin, at ang mga alon. Hindi Niya hinahayaang magwala ang mga ito, ni hinahayaan ang mga ito na pinsalain o sirain ang mga tahanang tinitirhan ng mga tao. Dahil dito, maaaring mabuhay, magparami at umunlad sa lupa ang mga tao. Nangangahulugan ito na noong likhain Niya ang lahat ng bagay, naplano na ng Diyos ang mga patakaran sa pag-iral ng mga ito. Nang likhain ng Diyos ang bawa’t bagay, tiniyak Niya na makikinabang dito ang sangkatauhan, at kinontrol Niya ito, upang hindi ito makagulo o magdulot ng sakuna sa sangkatauhan. Kung hindi dahil sa pamamahala ng Diyos, hindi ba’t dadaloy ang mga tubig nang walang pagpipigil? Hindi ba’t iihip ang hangin nang walang pagpipigil? Sumusunod ba ang tubig at ang hangin sa mga patakaran? Kung hindi pinamahalaan ng Diyos ang mga ito, walang patakaran na mamumuno sa kanila, at ang hangin ay uugong at ang mga tubig ay hindi mapipigilan at magdudulot ng mga pagbaha. Kung ang alon ay naging mas mataas kaysa sa bundok, makaiiral ba ang dagat? Hindi. Kung ang bundok ay hindi kasintaas ng alon, ang dagat ay hindi iiral, at mawawala ang halaga at kabuluhan ng bundok.
Nakikita ba ninyo ang karunungan ng Diyos sa dalawang kuwentong ito? Nilikha ng Diyos ang lahat ng umiiral, at Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng umiiral; Siya ang namamahala sa lahat ng ito at Siya ang tumutustos sa lahat ng ito, at sa lahat ng bagay, nakikita at sinisiyasat Niya ang bawa’t salita at kilos ng lahat ng umiiral. Gayon din, nakikita at sinisiyasat ng Diyos ang bawa’t sulok ng buhay ng tao. Kaya, alam na alam ng Diyos ang bawa’t detalye ng lahat ng umiiral sa Kanyang nilikha, mula sa tungkulin ng bawa’t bagay, kalikasan nito, at mga patakaran nito para mabuhay hanggang sa kabuluhan ng buhay nito at kahalagahan ng pag-iral nito, lahat ng ito ay lubos na nalalaman ng Diyos. Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay—iniisip ba ninyo na kailangan Niyang pag-aralan ang mga patakaran na namumuno sa mga ito? Kailangan bang pag-aralan ng Diyos ang kaalaman ng tao o ang agham upang matutuhan at maintindihan sila? (Hindi.) Mayroon bang sinuman sa sangkatauhan na mayroong kaalaman at dunong upang maintindihan ang lahat ng bagay na tulad ng Diyos? Wala, hindi ba? Mayroon bang mga astronomo o mga biyologo na talagang nauunawaan ang mga patakaran ng pamumuhay at paglago ng lahat ng bagay? Kaya ba nilang tunay na maunawaan ang halaga ng pag-iral ng bawa’t bagay? (Hindi, hindi nila kaya.) Ito ay dahil ang lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos, at gaano man karami o kalalim ang pag-aaral ng tao sa kaalamang ito, o gaano man katagal nilang pagsikapan na matutunan ito, hindi nila kailanman maaarok ang misteryo o ang layunin ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay. Hindi ba’t ganoon? Ngayon, mula sa ating talakayan hanggang sa puntong ito, nararamdaman ba ninyo na kayo ay nagkamit na ng bahagyang pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng pariralang: “Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay para sa Lahat ng Bagay”? (Oo.) Alam Ko na kapag tinalakay Ko ang paksang ito—Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay para sa Lahat ng Bagay—maraming tao ang kaagad na maiisip ang isa pang parirala: “Ang Diyos ay katotohanan, at ginagamit ng Diyos ang Kanyang salita upang tustusan tayo,” at walang anumang higit pa sa gayong antas ng kahulugan ng paksa. Mararamdaman pa nga ng iba na ang pagbibigay ng Diyos ng buhay ng tao, ng pang-araw-araw na pagkain at inumin at bawa’t pang-araw-araw na mga pangangailangan ay hindi maituturing na Kanyang pagtutustos para sa tao. Hindi ba’t may ilan na ganito ang nararamdaman? Gayunman, hindi ba’t malinaw ang layunin ng Diyos sa Kanyang paglikha—ang tulutan ang sangkatauhan na umiral at mamuhay nang normal? Pinananatili ng Diyos ang kapaligiran kung saan naninirahan ang mga tao at ibinibigay Niya ang lahat ng bagay na kinakailangan ng sangkatauhan para sila ay mabuhay. Bukod dito, Siya ang namamahala at may kataaas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang lahat ng ito ay nagpapahintulot sa sangkatauhan na mabuhay at umunlad at magparami nang normal; sa ganitong paraan nagtutustos ang Diyos sa lahat ng nilikha at sa sangkatauhan. Hindi ba’t totoo na kailangang makilala at maintindihan ng mga tao ang mga bagay na ito? Marahil maaaring sabihin ng ilan, “Ang paksang ito ay masyadong malayo sa aming pagkakilala sa tunay na Diyos Mismo, at ayaw naming malaman ito sapagka’t hindi kami nabubuhay sa tinapay lamang, kundi sa halip ay nabubuhay sa salita ng Diyos.” Tama ba ang pagkaunawang ito? (Hindi.) Bakit ito hindi tama? Magkakaroon ba kayo ng lubos na pagkaunawa sa Diyos kung ang alam lang ninyo ay ang mga bagay na sinabi ng Diyos? Kung ang tinatanggap lamang ninyo ay ang gawain ng Diyos at ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, magkakaroon ba kayo ng ganap na pagkaunawa sa Diyos? Kung ang alam lang ninyo ay maliit na bahagi ng disposisyon ng Diyos, maliit na bahagi ng awtoridad ng Diyos, maituturing ba ninyo iyong sapat na upang matamo ang pagkaunawa sa Diyos? (Hindi.) Ang mga pagkilos ng Diyos ay nagsimula sa Kanyang paglikha sa lahat ng bagay, at nagpapatuloy ang mga ito ngayon—ang Kanyang mga pagkilos ay malinaw sa lahat ng oras, sa bawa’t saglit. Kung ang isang tao ay naniniwala na ang Diyos ay umiiral lamang dahil sa pumili Siya ng isang grupo ng mga tao upang gawaan Niya at upang iligtas, at na wala nang iba pa ang may kinalaman sa Diyos, ni Kanyang awtoridad, Kanyang pagkakakilanlan, ni Kanyang mga pagkilos, maituturing ba siya na may tunay na pagkakilala sa Diyos? Ang mga tao na may ganitong tinatawag na “pagkakilala sa Diyos” ay may di-balanseng pagkaunawa lamang, kung saan ay kanilang nililimitahan ang mga gawa ng Diyos sa isang grupo ng mga tao lamang. Ito ba ay tunay na pagkakilala sa Diyos? Hindi ba’t itinatatwa ng mga taong may ganitong pagkakilala ang paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa mga ito? Hindi ito nais pagtuunan ng pansin ng ilang tao, sa halip ay iniisip nila sa kanilang sarili: “Hindi ko pa nakikita ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Ang ideyang ito ay masyadong kakaiba, at wala akong pakialam na unawain ito. Ginagawa ng Diyos ang maibigan Niya, at wala itong kinalaman sa akin. Tinatanggap ko lamang ang pamumuno ng Diyos at ang Kanyang salita upang ako ay maligtas at magawang perpekto ng Diyos. Wala nang iba pang mahalaga sa akin. Ang mga patakaran na ginawa ng Diyos nang Kanyang likhain ang lahat ng bagay at ang Kanyang ginagawa upang tustusan ang lahat ng bagay at ang sangkatauhan ay walang kinalaman sa akin.” Anong klaseng pananalita ito? Hindi ba ito isang paghihimagsik? Mayroon bang sinuman sa inyo na mayroong ganitong pagkaunawa? Alam Ko, kahit na hindi ninyo sabihin, na napakarami sa inyo ang may ganitong pagkaunawa. Ang mga ganitong tao na mahigpit na sumusunod sa mga patakaran ay tinitingnan ang lahat ng bagay mula sa sarili nilang “espirituwal” na pananaw. Gusto nilang limitahan lamang ang Diyos sa Bibliya, limitahan ang Diyos sa mga salitang Kanyang nasabi na, sa katuturang mula sa literal na nakasulat na salita. Ayaw nilang mas makilala ang Diyos at ayaw nilang hatiin ng Diyos ang Kanyang atensyon sa paggawa ng ibang bagay. Ang ganitong uri ng pag-iisip ay parang sa bata, at masyado rin itong relihiyoso. Makikilala ba ng mga taong may ganitong mga pananaw ang Diyos? Magiging napakahirap para sa kanila na makilala ang Diyos. Sa araw na ito ay naglahad Ako ng dalawang kuwento, ang bawa’t isa ay tumatalakay sa magkaibang aspeto. Maaaring madama ninyo, na ngayon lamang nakatagpo ang mga ito, na ang mga ito ay malalim o medyo malabo, mahirap maintindihan at maunawaan. Maaaring mahirap iugnay ang mga ito sa mga pagkilos ng Diyos at sa Diyos Mismo. Gayunpaman, ang lahat ng pagkilos ng Diyos at lahat ng Kanyang nagawa na sa loob ng paglikha at sa sangkatauhan ay dapat na malaman, nang malinaw at tumpak, ng bawa’t tao, ng bawa’t isa na naghahangad na makilala ang Diyos. Ang kaalamang ito ay magbibigay sa iyo ng katiyakan sa iyong paniniwala sa tunay na pag-iral ng Diyos. Bibigyan ka rin nito ng tumpak na kaalaman sa karunungan ng Diyos, sa Kanyang kapangyarihan, at sa kung paano Siya nagtutustos sa lahat ng bagay. Magbibigay-daan ito sa iyo upang malinaw na maintindihan ang tunay na pag-iral ng Diyos at makita na ang Kanyang pag-iral ay hindi kathang-isip, hindi isang alamat, hindi malabo, hindi isang teorya, at tiyak na hindi isang uri ng espirituwal na pampalubag-loob, kundi isang tunay na pag-iral. Bukod dito, tutulutan nito ang mga tao na malaman na palagi nang nagtutustos ang Diyos sa lahat ng nilikha at sa sangkatauhan; ginagawa ito ng Diyos sa sarili Niyang pamamaraan at alinsunod sa sarili Niyang kumpas. Kaya, dahil sa nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay at binigyan ang mga ito ng mga patakaran, kung kaya’t nagagawa ng bawa’t isa sa mga ito, sa ilalim ng Kanyang pagtatalaga, na magampanan ang mga gawaing itinakda sa kanila, matupad ang kanilang mga responsibilidad, at magampanan ang kanilang mga papel; sa ilalim ng Kanyang pagtatalaga, bawa’t isang bagay ay may sariling pakinabang sa sangkatauhan at sa lugar at kapaligirang pinaninirahan ng sangkatauhan. Kung hindi iyon ginawa ng Diyos at ang sangkatauhan ay walang ganoong kapaligiran upang panirahan, ang paniniwala sa Diyos o ang pagsunod sa Kanya ay magiging imposible para sa sangkatauhan; ito ay magiging pananalitang walang saysay lamang. Hindi ba?
Balikan nating muli ang kuwento ng malaking bundok at ng munting sapa. Ano ang silbi ng bundok? Ang mga bagay na may buhay ay yumayabong sa bundok, kaya mayroong likas na halaga ang pag-iral nito, at hinaharangan din nito ang munting sapa, pinipigilan ang pagdaloy nito saan man nito naisin at pagdudulot ng kapahamakan sa mga tao. Hindi ba’t ganoon? Ang bundok ay umiiral sa sarili nitong paraan, binibigyang-daan na yumabong ang napakaraming buhay na bagay dito—ang mga puno at mga damo at lahat ng iba pang mga halaman at mga hayop sa bundok. Pinapatnubayan din nito kung saan dadaloy ang munting sapa—tinitipon ng bundok ang mga tubig ng sapa at natural na inaalalayan sa palibot ng paanan nito kung saan makadadaloy ang mga ito patungo sa ilog at sa huli’y sa dagat. Ang mga patakarang ito ay hindi lumitaw nang natural, kundi ay sadyang isinaayos ng Diyos sa panahon ng paglikha. Tungkol naman sa malaking bundok at malakas na hangin, ang bundok ay nangangailangan din ng hangin. Kinakailangan ng bundok ang hangin upang haplusin ang mga buhay na bagay na naninirahan dito, habang kasabay nito ay nililimitahan ang puwersa ng malakas na hangin upang hindi ito umihip nang walang habas. Kinakatawan ng patakarang ito, sa isang aspeto, ang tungkulin ng malaking bundok; kaya ang patakaran bang ito na may kinalaman sa tungkulin ng bundok ay nabuo sa ganang sarili nito? (Hindi.) Ito ay ginawa ng Diyos. Ang malaking bundok ay may sariling tungkulin at ang malakas na hangin ay mayroon ding sariling tungkulin. Ngayon, bumaling naman tayo sa malaking bundok at sa napakalaking alon. Kung wala ang bundok, makahahanap ba ang tubig ng direksyong dadaluyan sa ganang sarili nito? (Hindi.) Ang tubig ay magbabaha. Ang bundok ay may sariling halaga sa pag-iral bilang isang bundok, at ang dagat ay may sariling halaga sa pag-iral bilang dagat; gayunpaman, sa mga pagkakataon na maaaring normal na umiral ang mga ito nang magkasama at hindi ginagambala ang isa’t isa, nililimitahan din ng mga ito ang isa’t isa—nililimitahan ng malaking bundok ang dagat upang hindi ito magbaha, sa gayon ay pinangangalagaan ang mga tahanan ng mga tao, at nagbibigay-daan din na pagyamanin nito ang buhay na mga bagay na naninirahan sa loob nito. Ang anyong lupa bang ito ay nabuo na lang nang kusa? (Hindi.) Ito ay nilikha rin ng Diyos. Nakikita natin mula sa larawang ito na noong likhain ng Diyos ang lahat ng bagay, itinakda na Niya kung saan titindig ang bundok, kung saan aagos ang sapa, kung saang direksyon magsisimulang umihip ang malakas na hangin at kung saan ito pupunta, at kung gaano dapat kataas ang malalaking alon. Ang mga intensyon at ang layunin ng Diyos ay nakapaloob sa lahat ng bagay na ito—ang mga ito ay Kanyang mga gawa. Ngayon, nakikita na ba ninyo na ang mga gawa ng Diyos ay nasa lahat ng bagay? (Oo.)
Ano ang layunin natin sa pagtalakay sa mga bagay na ito? Ito ba ay upang ang mga tao ay pag-aralan ang mga patakaran sa likod ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay? Ito ba ay upang hikayatin ang interes sa astronomiya at heograpiya? (Hindi.) Kung gayon ay ano ito? Ito ay upang maunawaan ng mga tao ang mga gawa ng Diyos. Sa mga pagkilos ng Diyos, maaaring pagtibayin at patunayan ng tao na ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay. Kung nauunawaan mo ang mga ito, kung gayon ay tunay mong matitiyak ang lugar ng Diyos sa iyong puso, at matitiyak mo na ang Diyos ay ang Diyos Mismo, ang natatangi, ang Lumikha ng mga langit at lupa at lahat ng bagay. Kaya, makatutulong ba tungo sa iyong pagkaunawa sa Diyos ang malaman ang mga patakaran sa lahat ng bagay at malaman ang mga gawa ng Diyos? (Oo.) Gaano ito nakatutulong? Una, kapag naunawaan mo na ang mga gawa ng Diyos, magiging interesado ka pa rin ba sa astronomiya at heograpiya? Magkakaroon ka pa rin ba ng pusong may pag-aalinlangan at pagdududa na ang Diyos ang Lumikha ng lahat ng bagay? Magkakaroon ka pa rin ba ng puso ng isang mananaliksik at pagdududahan na ang Diyos ang Lumikha ng lahat ng bagay? (Hindi.) Kapag iyong natiyak na ang Diyos ang Lumikha ng lahat ng bagay at naunawaan ang ilan sa mga patakaran ng paglikha ng Diyos, tunay mo bang paniniwalaan sa iyong puso na ang Diyos ang naglalaan para sa lahat ng bagay? (Oo.) May partikular na kabuluhan ba ang “paglalaan” dito, o tumutukoy ba ang paggamit nito sa isang partikular na pangyayari? Ang kasabihang “Ang Diyos ay naglalaan para sa lahat ng bagay” ay may napakalawak na kabuluhan at saklaw. Hindi lamang pinaglalaanan ng Diyos ang mga tao ng kanilang pang-araw-araw na pagkain at inumin; pinaglalaanan Niya ang sangkatauhan ng lahat ng bagay na kanilang kailangan, kabilang ang lahat ng bagay na nakikita ng tao, at pati na rin ang mga bagay na hindi nakikita. Itinataguyod, pinamamahalaan, at pinaghaharian ng Diyos ang buhay na kapaligirang ito, na mahalaga sa sangkatauhan. Ibig sabihin, anumang kapaligiran ang kinakailangan ng sangkatauhan sa bawa’t panahon, inihanda na ito ng Diyos. Pinamamahalaan din ng Diyos ang uri ng hangin o temperatura upang maging angkop para sa ikabubuhay ng tao. Ang mga patakarang namamahala sa mga bagay na ito ay hindi nangyayari sa ganang mga sarili nito lamang o basta na lang nagaganap; ang mga ito ay bunga ng kaitaas-taasang kapangyarihan ng Diyos at Kanyang mga gawa. Ang Diyos Mismo ang pinagmumulan ng lahat ng patakarang ito at ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay. Naniniwala ka man dito o hindi, nakikita mo man ito o hindi, o naiintindihan mo man ito o hindi, ito ay nananatiling isang matatag at hindi-matututulang katunayan.
Alam Ko na lubhang nakararami sa mga tao ang nananampalataya lamang sa mga salita at gawain ng Diyos na kasama sa Bibliya. Para sa kakaunting tao, naihayag na ng Diyos ang Kanyang mga gawa at natulutan na ang mga tao na makita ang kahalagahan ng Kanyang pag-iral. Tinulutan na rin Niya silang magkaroon ng kaunting pagkaunawa sa Kanyang pagkakakilanlan at kinumpirma na ang katunayan ng Kanyang pag-iral. Gayunpaman, para sa mas maraming tao, ang katunayan na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay at na Kanyang pinamamahalaan at tinutustusan ang lahat ng bagay ay tila malabo o hindi tiyak; ang gayong mga tao ay maaari pa ngang magpanatili ng saloobin ng pagdududa. Ang ganitong saloobin ang nagiging sanhi upang tuluy-tuloy silang maniwala na ang mga batas ng likas na mundo ay nabuo sa ganang sarili lamang, na ang mga pagbabago, mga pagpapalit, at mga kababalaghan ng kalikasan, at ang mismong mga batas na namumuno rito ay lumitaw mula sa kalikasan mismo. Hindi maintindihan ng mga tao sa kanilang mga puso kung paano nilikha at pinaghaharian ng Diyos ang lahat ng bagay; hindi nila maintindihan kung paano pinamamahalaan at tinutustusan ng Diyos ang lahat ng bagay. Sa ilalim ng mga limitasyon ng saligang ito, hindi makapaniwala ang mga tao na ang Diyos ang lumikha, naghahari, at nagtutustos sa lahat ng bagay; maging yaong naniniwala ay limitado sa kanilang paniniwala sa Kapanahunan ng Kautusan, Kapanahunan ng Biyaya at Kapanahunan ng Kaharian: Naniniwala sila na ang mga gawa ng Diyos at ang Kanyang pagtustos sa sangkatauhan ay para lamang sa Kanyang hinirang na mga tao. Ito ay isang bagay na pinakakinamumuhian Kong makita, at isang bagay na nagdudulot ng matinding sakit, sapagka’t tinatamasa man ng mga tao ang lahat ng idinudulot ng Diyos, ikinakaila nila ang lahat ng Kanyang ginagawa at lahat ng Kanyang ibinibigay sa kanila. Pinaniniwalaan lang ng mga tao na ang kalangitan at ang lupa at ang lahat ng bagay ay pinamumunuan ng sarili nilang likas na mga patakaran at sarili nilang likas na mga batas upang mabuhay, at na walang namumuno upang pamahalaan ang mga ito o may kataas-taasang kapangyarihan na nagtutustos sa mga ito at nagpapanatili sa mga ito. Kahit na naniniwala ka sa Diyos, maaaring hindi ka naniniwala na mga gawa Niya ang lahat ng ito; tunay nga, ito ay isa sa mga bagay na pinakamadalas mapabayaan ng bawa’t mananampalataya ng Diyos, lahat ng tumatanggap sa salita ng Diyos, at lahat ng sumusunod sa Diyos. Kaya, sa oras na magsimula Akong talakayin ang isang bagay na walang kaugnayan sa Bibliya o sa tinatawag na terminolohiyang espirituwal, ang ilang tao ay nababagot o nanlulupaypay o nababalisa pa nga. Nararamdaman nila na parang ang mga salita Ko ay walang kaugnayan sa mga espirituwal na tao at mga espirituwal na bagay. Iyon ay isang kakila-kilabot na bagay. Pagdating sa pag-alam sa mga gawa ng Diyos, kahit na hindi natin binabanggit ang astronomiya, ni sinasaliksik ang heograpiya o biyolohiya, dapat pa rin nating maunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, dapat nating malaman ang Kanyang pagtustos sa lahat ng bagay, at na Siya ang pinagmumulan ng lahat ng bagay. Ito ay isang kinakailangang aral at isa na dapat pag-aralan. Naniniwala Ako na naunawaan na ninyo ang Aking mga salita, hindi ba?
Ang dalawang kuwento na katatalakay Ko lamang, kahit na medyo kakaiba sa nilalaman at paraan ng pagpapahayag, na tinalakay, bilang sila, sa paraang medyo espesyal, ay pagtatangka Ko na gumamit ng tuwirang pananalita at payak na paraan upang tulungan kayo na makamit at matanggap ang isang bagay na mas malalim. Ito ang tangi Kong layunin. Sa maiiksing kuwentong ito at sa mga larawang ipinipinta ng mga ito, gusto Kong makita ninyo at paniwalaan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng nilikha. Ang layunin ng paglalahad ng mga kuwentong ito ay ang tulutan kayong makita at malaman ang walang hanggang mga gawa ng Diyos sa loob ng mga hangganan ng isang kuwento. Tungkol naman sa kung kailan ninyo ganap na matatanto at makakamit ang resultang ito sa inyong mga sarili—depende iyon sa sarili ninyong mga karanasan at sarili ninyong paghahangad. Kung ikaw ay isang tao na naghahanap ng katotohanan at naghahangad na makilala ang Diyos, ang mga bagay na ito ay magsisilbing isang patindi nang patinding paalala; pagkakalooban ka ng mga ito ng isang malalim na kamalayan, isang kalinawan sa iyong pagkaunawa, na unti-unting lalapit sa aktuwal na mga gawa ng Diyos, nang may isang pagkakalapit na walang pagitan at walang pagkakamali. Gayunpaman, kung ikaw ay hindi isang tao na naghahangad na makilala ang Diyos, ang mga kuwentong ito ay hindi makasasama sa inyo. Ituring na lamang ninyo ang mga ito na mga totoong kuwento.
Nagkamit na ba kayo ng anumang pagkaunawa mula sa dalawang kuwentong ito? Una sa lahat, ang dalawa bang kuwentong ito ay nakabukod sa nakaraan nating talakayan tungkol sa malasakit ng Diyos para sa sangkatauhan? Mayroon bang likas na kaugnayan? Totoo ba na sa loob ng dalawang kuwentong ito ay nakikita natin ang mga gawa ng Diyos at ang masinsinang pagsasaalang-alang na ibinibigay Niya sa lahat ng pinaplano Niya para sa sangkatauhan? Totoo ba na ang lahat ng ginagawa ng Diyos at lahat ng Kanyang iniisip ay alang-alang sa pag-iral ng sangkatauhan? (Oo.) Hindi ba kitang-kita ang maingat na pag-iisip at pagsasaalang-alang ng Diyos para sa sangkatauhan? Walang kailangang gawin ang sangkatauhan. Inihanda na ng Diyos para sa mga tao ang hangin—ang kailangan lang nilang gawin ay langhapin ito. Ang mga gulay at mga prutas na kinakain nila ay madali nilang makukuha. Mula sa hilaga hanggang sa timog, mula sa silangan hanggang sa kanluran, ang bawa’t rehiyon ay may sarili nitong mga likas-yaman. Ang iba’t ibang panrehiyon na mga pananim at mga prutas at mga gulay ay inihanda nang lahat ng Diyos. Sa mas malaking kapaligiran, ginawa ng Diyos ang lahat ng bagay na nagpapatibay sa isa’t isa, umaasa sa isa’t isa, nagpapalakas sa isa’t isa, naglilimita sa isa’t isa, at umiiral nang magkakasama. Ito ang Kanyang pamamaraan at Kanyang patakaran upang mapanatili ang kaligtasan ng buhay at pag-iral ng lahat ng bagay; sa ganitong paraan, nagawa ng sangkatauhan na umunlad nang ligtas at payapa sa loob ng kapaligirang ito para sa pamumuhay, na makapagparami mula isang salinlahi hanggang sa susunod, maging hanggang sa kasalukuyan. Ibig sabihin nito, nagdadala ang Diyos ng balanse sa likas na kapaligiran. Kung ang Diyos ay walang kataas-taasang kapangyarihan at walang kontrol sa mga bagay-bagay, walang sinuman ang makapagpapanatili at makapagbabalanse sa kapaligiran, maging ito man ay nilikha pa rin ng Diyos. Sa ilang lugar ay walang hangin, at hindi mabubuhay ang sangkatauhan sa gayong mga lugar. Hindi ka tutulutan ng Diyos na pumunta sa mga ito. Kaya, huwag kang lumampas sa mga wastong hangganan. Ito ay para sa pag-iingat ng sangkatauhan—mayroong mga hiwagang nakapaloob dito. Ang bawa’t aspeto ng kapaligiran, ang haba at luwang ng lupa, ang bawa’t nilalang sa lupa—kapwa nabubuhay at patay—ay naisip at inihanda ng Diyos nang patiuna. Bakit kinakailangan ang bagay na ito? Bakit hindi kinakailangan ang bagay na iyon? Ano ang layunin sa pagkakaroon ng bagay na ito rito at bakit dapat naroon ang bagay na iyon? Napag-isipan na ng Diyos nang maigi ang lahat ng katanungang ito, at hindi na kailangan ng mga tao na isipin ang mga ito. May ilang hangal na tao na palaging nag-iisip tungkol sa paglilipat sa mga bundok, nguni’t sa halip na gawin iyon, bakit hindi lumipat sa mga kapatagan? Kung hindi mo gusto ang mga bundok, bakit ka naninirahan malapit sa mga ito? Hindi ba iyon kahangalan? Ano ang mangyayari kapag inilipat mo ang bundok na iyon? Darating ang mga bagyo at napakalalaking alon at mawawasak ang mga tahanan ng mga tao. Hindi ba magiging kahangalan ito? Kaya lamang manira ng mga tao. Ni hindi nga nila kayang panatilihin ang nag-iisang lugar na matitirhan nila, pero gusto pa nilang tustusan ang lahat ng bagay. Imposible ito.
Tinutulutan ng Diyos ang sangkatauhan na pamahalaan ang lahat ng bagay at magkaroon ng kapangyarihan sa lahat ng mga ito, nguni’t nagagawa ba ito nang maayos ng tao? Sinisira ng tao ang anumang makakaya niya. Hindi lamang niya talaga kayang mapanatili ang lahat ng ginawa para sa kanya ng Diyos sa orihinal nitong kalagayan—kabaligtaran ang kanyang nagawa at sinira ang nilikha ng Diyos. Inilipat ng sangkatauhan ang mga bundok, nagtambak ng lupa sa mga dagat, at ginawang mga disyerto ang mga kapatagan kung saan walang tao ang maaaring mabuhay. Subali’t sa disyerto gumawa ang tao ng industriya at nagtayo ng mga baseng nukleyar, naghahasik ng pagkawasak sa lahat ng dako. Ngayon ang mga ilog ay hindi na mga ilog, ang dagat ay hindi na ang dagat…. Sa sandaling sinira ng sangkatauhan ang balanse ng likas na kapaligiran at ang mga patakaran nito, ang araw ng kanyang kapahamakan at kamatayan ay hindi nalalayo; hindi ito maiiwasan. Kapag dumating ang sakuna, malalaman ng sangkatauhan ang kahalagahan ng lahat ng nilikha ng Diyos para sa kanya at kung gaano ito kahalaga sa sangkatauhan. Para sa tao, ang paninirahan sa isang kapaligiran kung saan ang mga hangin at mga ulan ay dumarating sa panahon nila ay katulad ng paninirahan sa paraiso. Hindi napagtatanto ng mga tao na ito ay isang pagpapala, nguni’t sa sandaling mawala sa kanila ang lahat ng ito, makikita nila kung gaano kabihira at kahalaga ito. At kapag wala na ito, paano ito muling makukuha ng isang tao? Ano ang magagawa ng mga tao kung ayaw na ng Diyos na likhain itong muli? Mayroon ba kayong anumang magagawa? Ang totoo, mayroon kayong magagawa. Ito ay napakasimple—kapag sinabi Ko sa inyo kung ano ito, kaagad ninyong malalaman na ito ay maaaring gawin. Paano natagpuan ng tao ang sarili niya sa kanyang kasalukuyang katayuan ng pag-iral? Ito ba ay dahil sa kanyang kasakiman at paninira? Kung titigilan ng tao ang paninirang ito, hindi ba unti-unting maisasaayos ng kanyang buhay na kapaligiran ang sarili nito? Kung walang ginagawa ang Diyos, kung ayaw na ng Diyos na gumawa ng kahit anuman para sa sangkatauhan—ibig sabihin, kung hindi Siya nakikialam sa usaping ito—ang pinakamahusay na solusyon para sa sangkatauhan ay ang tigilan ang lahat ng paninira at pahintulutan ang kanilang buhay na kapaligiran na makabalik sa likas nitong katayuan. Ang pagtigil sa lahat ng paninirang ito ay nangangahulugan ng pagtigil sa pandarambong at pamiminsala sa mga bagay na nilikha ng Diyos. Magbibigay-daan ito sa kapaligiran na tinitirhan ng tao na makabawi nang paunti-unti, habang ang hindi paggawa nito ay magdudulot sa lalo pang mas kasuklam-suklam na kapaligiran para sa buhay na ang pagkawasak ay mapapabilis kasabay ng oras. Simple ba ang Aking solusyon? Ito ay simple at maaaring gawin, hindi ba? Talagang simple, at maaaring gawin para sa ilang tao—nguni’t ito ba ay maaaring gawin ng higit na nakararaming tao sa mundo? (Hindi.) Para sa inyo, kahit sa inyo na lang, maaari ba itong gawin? (Oo.) Ano ang dahilan ng inyong “oo”? Maaari bang sabihin na ito ay mula sa isang saligan ng pagkaunawa sa mga gawa ng Diyos? Maaari bang sabihin na ang kondisyon nito ay pagtalima sa kataas-taasang kapangyarihan at plano ng Diyos? (Oo.) Mayroong paraan upang baguhin ang mga bagay, nguni’t hindi iyon ang paksa na ating tinatalakay ngayon. Ang Diyos ay nananagot sa bawat isang buhay ng tao at Siya ay nananagot hanggang sa katapus-tapusan. Naglalaan ang Diyos para sa iyo, at kahit na, sa kapaligirang ito na winasak ni Satanas, ikaw ay nagkasakit o narungisan o nilapastangan, hindi ito mahalaga—ang Diyos ay maglalaan para sa iyo, at hahayaan kang mabuhay ng Diyos. Dapat kang magkaroon ng pananampalataya rito. Hindi basta-basta tutulutan ng Diyos na mamatay ang isang tao.
Naramdaman na ba ninyo ngayon ang kahalagahan ng pagkilala na “ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay”? (Oo, naramdaman na namin.) Anong mga damdamin ang mayroon kayo? Sabihin ninyo sa Akin. (Noon, hindi namin kailanman naisip na iugnay ang mga bundok, mga dagat, at mga lawa sa mga pagkilos ng Diyos. Hanggang sa marinig ang pagbabahagi ng Diyos ngayon, nauunawaan na namin na nakapaloob sa mga bagay na ito ang mga gawa at karunungan ng Diyos; nakikita namin na kahit noong nagsimula ang Diyos na likhain ang lahat ng bagay, pinuspos na Niya ang bawa’t bagay ng isang tadhana at ng Kanyang mabuting kalooban. Ang lahat ng bagay ay nagpapatibay at umaasa sa isa’t isa at ang sangkatauhan ang siyang tunay na nakikinabang. Ang aming narinig sa araw na ito ay napakabago at naiiba sa pakiramdam—nadama na namin kung gaano katotoo ang mga pagkilos ng Diyos. Sa totoong mundo, sa aming pang-araw-araw na buhay, at sa aming mga pagharap sa lahat ng bagay, nakikita namin na ganito nga iyon.) Nakita na talaga ninyo, hindi ba? Ang Diyos ay hindi naglalaan para sa sangkatauhan nang walang mahusay na saligan; ang Kanyang paglalaan ay hindi lamang kakaunting salita na maiikli. Marami nang nagawa ang Diyos, at maging ang mga bagay na hindi mo nakikita ay lahat para sa iyong kapakinabangan. Nabubuhay ang tao sa kapaligirang ito, sa loob ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos para sa kanya, kung saan ang mga tao at lahat ng bagay ay umaasa sa isa’t isa. Halimbawa, ang mga halaman ay nagbubuga ng mga gas na dumadalisay sa hangin, at nilalanghap ng mga tao ang dinalisay na hangin at nakikinabang dito; subali’t ang ilang halaman ay nakalalason sa mga tao, habang ang ibang halaman ay pangontra sa mga nakalalasong halaman. Ito ay isang hiwaga ng paglikha ng Diyos! Nguni’t iwanan muna natin sa ngayon ang paksang ito; ngayon, ang ating talakayan ay pangunahing patungkol sa magkakasamang pag-iral ng tao at ng iba pang nilikha, na kung wala ay hindi mabubuhay ang tao. Ano ang kahalagahan ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay? Hindi maaaring mabuhay ang tao na wala ang ibang bagay, gaya ng pangangailangan ng tao sa hangin upang mabuhay—kung ikaw ay inilagay sa isang bakyum, ikaw ay kaagad na mamamatay. Ito ay isang napakasimpleng prinsipyo na nagpapakita na hindi maaaring umiral ang tao nang nakahiwalay sa iba pang nilikha. Kaya, anong saloobin ang dapat taglayin ng tao patungkol sa lahat ng bagay? Isang saloobin na nagpapahalaga sa mga ito, iniingatan ang mga ito, ginagamit ang mga ito nang mahusay, hindi sinisira ang mga ito, hindi sinasayang ang mga ito, at hindi binabago ang mga ito sa kapritso, sapagka’t ang lahat ng bagay ay mula sa Diyos, ang lahat ng bagay ay Kanyang paglalaan sa sangkatauhan, at dapat tratuhin ang mga ito ng sangkatauhan nang buong ingat. Sa araw na ito ay tinalakay Ko sa inyo ang dalawang paksang ito. Pag-isipan at pagnilayang mabuti ang mga ito. Sa susunod, tatalakayin natin ang ilang bagay nang mas detalyado. Dito nagtatapos ang pagtitipon ngayong araw. Paalam!
Enero 18, 2014