Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI

Ang Kabanalan ng Diyos (III)

Ang paksang ating ibinahagi noong nakaraan ay ang kabanalan ng Diyos. Aling aspeto ng Diyos Mismo ang nauukol sa kabanalan ng Diyos? Ito ba ay ukol sa diwa ng Diyos? (Oo.) Kaya ano ang pangunahing bahagi ng diwa ng Diyos na ating tinalakay sa ating pagbabahagi? Ito ba’y ang kabanalan ng Diyos? Ang kabanalan ng Diyos ay siyang natatanging diwa ng Diyos. Ano ang naging pangunahing nilalaman na ating ibinahagi noong nakaraan? (Ang pagkilala sa kasamaan ni Satanas, iyon ay, kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan gamit ang kaalaman, siyensiya, tradisyunal na kultura, pamahiin, at mga kalakarang panlipunan.) Ito ang pangunahing paksa na tinalakay natin noong nakaraan. Ginagamit ni Satanas ang kaalaman, siyensiya, pamahiin, tradisyunal na kultura, at mga kalakarang panlipunan upang gawing tiwali ang tao; ito ang mga paraan kung saan ginagawang tiwali ang tao. Ito ang mga paraan—lima sa kabuuan—na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang tao. Alin sa palagay ninyo rito ang pinakamadalas gamitin ni Satanas upang gawing tiwali ang tao? Alin ang ginagamit upang gawing tiwali nang husto ang tao? (Tradisyunal na kultura. Ito ay dahil ang mga pilosopiya ni Satanas, gaya ng mga doktrina nina Confucius at Mencius, ay malalim na nakatanim sa aming mga isip.) Kaya iniisip ng ilang kapatid na lalaki at babae na “tradisyunal na kultura” ang sagot. Mayroon bang sinoman na may ibang sagot? (Kaalaman. Hindi tayo kailanman mapapahintulutan ng kaalaman na sambahin ang Diyos. Itinatanggi nito ang pag-iral ng Diyos, at itinatanggi ang pamamahala ng Diyos. Iyon ay, sinasabihan tayo ni Satanas na mag-aral mula pagkabata, at tanging sa pag-aaral at pagtatamo ng kaalaman lamang natin matitiyak ang ating kinabukasan at masayang tadhana.) Ginagamit ni Satanas ang kaalaman upang kontrolin ang iyong kinabukasan at tadhana, pagkatapos ikaw ay gagawing tau-tauhan nito; ganito mo iniisip kung paano ginagawang tiwali nang husto ni Satanas ang tao. Kung gayon, iniisip ng karamihan sa inyo na ginagamit ni Satanas ang kaalaman upang magawang tiwali ang tao nang husto. Mayroon pa bang iba na may ibang opinyon? Ano naman ang tungkol sa siyensiya o mga kalakarang panlipunan, halimbawa? Mayroon bang sinumang magsasabi na ang mga ito ang sagot? (Oo.) Ngayon, ibabahagi Kong muli ang tungkol sa limang paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang tao at, kapag Ako ay natapos na, tatanungin Ko kayo ng ilang katanungan, upang makita nang eksakto kung alin sa mga bagay na ito ang ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali nang husto ang tao.

Limang Paraan Kung Paano Ginagawang Tiwali ni Satanas ang Tao

a. Ginagamit ni Satanas ang Kaalaman Upang Gawing Tiwali ang Tao, at Ginagamit Nito ang Kasikatan at Pakinabang Upang Kontrolin ang Tao

Sa limang paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang tao, ang una nating nabanggit ay ang kaalaman, kaya unahin natin ang kaalaman bilang paksa ng ating pagbabahagi. Ginagamit ni Satanas ang kaalaman bilang pain. Makinig nang maigi: Ang kaalaman ay isang uri lamang ng pain. Ang mga tao ay inuudyukang mag-aral nang mabuti at pagbutihin ang kanilang mga sarili araw-araw, upang gawing armas ang kaalaman at gawin itong kanilang sandata, at pagkatapos ay gamitin ang kaalaman upang mabuksan ang pintuang-daan sa siyensiya; sa madaling salita, habang lalong mas maraming kaalaman ang iyong matamo, mas lalo kang makauunawa. Sinasabi ni Satanas ang lahat ng ito sa mga tao; sinasabi nito sa mga tao na pagyamanin din ang matatayog na mithiin habang sila ay natututo ng kaalaman, tinuturuan sila na magkaroon ng mga ambisyon at mga mithiin. Lingid sa kaalaman ng mga tao, si Satanas ay nagpapahatid ng maraming mensaheng tulad nito, na nagiging dahilan upang maramdaman ng mga tao nang hindi namamalayan na ang mga bagay na ito ay tama, o kapaki-pakinabang. Walang kaalam-alam, tumatahak ang mga tao sa landas na ito, walang kamalay-malay na inaakay pasulong ng kanilang sariling mga mithiin at mga ambisyon. Sa paisa-isang hakbang, di-sinasadyang natututuhan ng mga tao mula sa kaalamang bigay ni Satanas ang paraan ng pag-iisip ng mga dakila o bantog na mga tao. Natututuhan din nila ang ilang bagay mula sa mga gawa ng mga taong itinuturing na mga bayani. Ano ang itinataguyod ni Satanas para sa tao sa mga gawa ng mga bayaning ito? Ano ang nais nitong ikintal sa tao? Na ang tao ay dapat maging makabayan, magkaroon ng pambansang katapatan, at maging magiting sa espiritu. Ano ang natutuhan ng tao mula sa mga makasaysayang kuwento o mula sa mga talambuhay ng magigiting na tao? Na magkaroon ng damdamin ng pansariling katapatan, maging handang gumawa ng anumang bagay para sa mga kaibigan at kapatid niya. Sa loob ng kaalamang ito ni Satanas, walang kaalam-alam na natututuhan ng tao ang maraming bagay na hindi positibo. Sa gitna ng kawalang-malay ng tao, ang mga binhi na inihanda para sa kanila ni Satanas ay naitatanim sa kanilang mga isip na wala pa sa gulang. Ipinadadama ng mga binhing ito sa kanila na dapat silang maging mga dakilang tao, na dapat maging bantog, na dapat maging mga bayani, na maging makabayan, maging mga tao na nagmamahal sa kanilang mga pamilya, at maging mga tao na gagawin ang anuman para sa isang kaibigan at magkaroon ng isang diwa ng pansariling katapatan. Dahil nasulsulan ni Satanas, sila ay walang kaalam-alam na tinatahak ang daan na inihanda nito para sa kanila. Habang tinatahak nila ang daang ito, napipilitan silang tanggapin ang mga patakaran ng pamumuhay ni Satanas. Ganap na walang malay, bumubuo sila ng sarili nilang mga patakaran ng pamumuhay, ngunit ang mga ito ay walang iba kundi ang mga patakaran ni Satanas na sapilitang itinanim sa kanila. Sa panahon ng proseso ng pagkatuto, ipinatataguyod sa kanila ni Satanas ang kanilang sariling mga layon, na pagpasyahan ang kanilang sariling mga layunin sa buhay, mga patakaran ng pamumuhay, at direksyon sa buhay, habang itinatanim sa isip nila ang mga bagay ni Satanas, na ginagamit ang mga kuwento, mga talambuhay, at lahat ng paraang posible upang akitin ang mga tao, unti-unti, hanggang kagatin nila ang pain. Sa ganitong paraan, habang nasa kalagitnaan ng kanilang pagkatuto, nagkakagusto ang ilan sa panitikan, ang ilan sa ekonomiya, ang ilan sa astronomiya o heograpiya. Saka mayroong ilan na nagugustuhan ang pulitika, may ilan na gusto ang pisika, ilan ay kemika, at ang ilan pang gusto ang teolohiya. Ang lahat ng ito ay bahagi ng mas malaking kabuuhan na siyang kaalaman. Sa inyong mga puso, nalalaman ng bawat isa sa inyo kung tungkol talaga saan ang mga bagay na ito, bawat isa sa inyo ay nagkaroon na ng ugnayan sa mga ito noong nakaraan. Sinuman sa inyo ay maaaring mangusap nang walang katapusan tungkol sa isa o sa iba pa sa mga sangay na ito. Kaya malinaw kung paanong nakapasok nang husto ang kaalamang ito sa isip ng tao, malinaw ang posisyon na sinasakop ng kaalamang ito sa mga isip ng tao at kung gaano kalalim ang epekto nito sa kanila. Kapag nagustuhan ng isang tao ang isang aspeto ng kaalaman, kapag umibig nang husto ang isang tao rito, nakabubuo sila ng mga mithiin nang hindi namamalayan: Ang ilang tao ay nagnanais na maging mga may-akda, ang ilan ay nagnanais maging mga manunulat, ang ilan ay nagnanais na gawing karera ang pulitika, at ang ilan ay nagnanais na makibahagi sa ekonomiya at maging mga negosyante. At mayroon ding isang grupo ng mga tao na nagnanais maging mga bayani, maging dakila o bantog. Kahitpaman anong uri ng tao ang ninanais maging ng sinuman, ang kanilang layunin ay ang kunin ang paraang ito ng pagkatuto ng kaalaman at gamitin ito para sa sarili nilang mga layunin, upang matupad ang kanilang sariling mga hangarin, kanilang sariling mga mithiin. Gaano man ito kagandang pakinggan—nais man nilang makamit ang kanilang mga pangarap, ang huwag aksayahin ang kanilang buhay, o magkaroon ng matagumpay na buhay—itinataguyod nila ang matatayog na mithiin at mga ambisyong ito, ngunit, sa totoo lang, para sa ano ang lahat ng ito? Naisip na ba ninyo ang katanungang ito dati? Bakit ganito kumilos si Satanas? Ano ang layunin ni Satanas sa pagtatanim ng mga bagay na ito sa tao? Ang inyong mga puso ay dapat maging malinaw sa tanong na ito.

Ngayon ay pag-usapan natin kung paano ginagamit ni Satanas ang kaalaman upang gawing tiwali ang tao. Una, kailangan nating magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa mga bagay na ito: Ano ang nais ibigay ni Satanas sa tao gamit ang kaalaman? Sa anong uri ng daan nito gustong akayin ang tao? (Daan ng paglaban sa Diyos.) Oo, tiyak na iyon nga—upang labanan ang Diyos. Kung gayon ay iyong nakikita na ito ay isang bunga ng pagtatamo ng tao ng kaalaman—sila ay nagsisimulang lumaban sa Diyos. Kaya ano ang masasamang motibo ni Satanas? Hindi ito maliwanag sa iyo, hindi ba? Sa proseso ng pagkatuto ng tao ng kaalaman, ginagamit ni Satanas ang lahat ng paraan, maging ito man ay pagkukuwento, simpleng pagbibigay sa kanila ng ilang indibidwal na piraso ng kaalaman, o pagpapahintulot sa kanila na masapatan ang kanilang mga kagustuhan o ambisyon. Sa anong daan ka nais akayin ni Satanas? Iniisip ng mga tao na walang mali sa pagkatuto ng kaalaman, na ito ay ganap na natural. Upang ilagay ito sa paraang nakakaakit pakinggan, ang magtaguyod ng matatayog na mithiin o ang magkaroon ng mga ambisyon ay pagkakaroon ng mga hangarin, at ito dapat ang tamang landas sa buhay. Hindi ba mas maluwalhating paraan para sa mga tao na mabuhay kung matatanto nila ang kanilang sariling mga mithiin o matagumpay na makapagtatag ng isang karera sa kanilang buhay? Sa paggawa ng mga bagay na ito, hindi lamang mapararangalan ng isang tao ang sariling mga ninuno bagkus ay maaari ring mag-iwan ng isang tatak sa kasaysayan—hindi ba ito isang mabuting bagay? Ito ay isang mabuting bagay sa mga mata ng mga taong makamundo, at sa kanila ay dapat itong maging angkop at positibo. Si Satanas ba, gayunpaman, kasama ang masasamang motibo nito, ay dinadala lang ang mga tao sa ganitong uri ng daan at pagkatapos ay ganoon na lamang? Siyempre hindi. Sa katunayan, gaano man katayog ang mga mithiin ng tao, gaano man kamakatotohanan ang mga pagnanais ng tao o gaano man maaaring kaangkop ang mga ito, ang lahat ng ninanais matamo ng tao, ang lahat ng hinahanap ng tao, ay pawang nauugnay sa dalawang salita. Ang dalawang salitang ito ay lubhang mahalaga sa buhay ng bawa’t tao, at ang mga ito ay mga bagay na binabalak na ikintal ni Satanas sa tao. Ano ang dalawang salitang ito? Ang mga ito ay “katanyagan” at “pakinabang.” Si Satanas ay gumagamit ng isang napakatusong uri ng paraan, isang paraang lubos na kaayon ng mga kuru-kuro ng mga tao, na hindi naman radikal, kung saan ay nagiging sanhi na walang kamalayang tanggapin ng mga tao ang uri ng pamumuhay nito, ang mga patakaran nito upang mabuhay, at magtatatag ng mga layunin sa buhay at kanilang direksyon sa buhay, at sa ganoon nagkakaroon din sila ng mga ambisyon sa buhay nang hindi namamalayan. Gaano man katayog magmistula ang mga mithiing ito sa buhay, ang mga ito ay pawang nauugnay sa “katanyagan” at “pakinabang”. Sinumang dakila o tanyag na tao—lahat ng tao, sa katunayan—anumang bagay na sinusunod nila sa buhay ay nauugnay lamang sa dalawang salitang ito: “katanyagan” at “pakinabang.” Iniisip ng mga tao na sa sandaling magkaroon sila ng katanyagan at pakinabang, maaari na nila kung gayong samantalahin ang mga ito upang tamasahin ang mataas na katayuan at malaking kayamanan, at upang masiyahan sa buhay. Iniisip nila na ang katanyagan at pakinabang ay mga uri ng puhunan na maaari nilang gamitin upang magkamit ng isang buhay na mapaghanap-ng-kaluguran at walang-pakundangan sa pagtatamasa ng laman. Alang-alang sa katanyagan at pakinabang na ito na iniimbot ng sangkatauhan, ang mga tao ay kusang-loob, hindi man namamalayan, na ibinibigay ang kanilang mga katawan, mga isip, at lahat ng mayroon sila, ang kanilang kinabukasan at kanilang mga tadhana, kay Satanas. Ginagawa nila ito nang wala ni isang sandali ng pag-aatubili, kailanman ay mangmang sa pangangailangan na mabawi ang lahat ng naibigay na nila. Mapapanatili ba ng mga tao ang anumang kontrol sa kanilang mga sarili sa sandaling manganlong sila kay Satanas sa ganitong paraan at maging tapat dito? Tiyak na hindi. Sila ay ganap at lubos na kontrolado ni Satanas. Sila rin ay ganap at lubos na nalublob sa isang putikan, at hindi magawang mapalaya ang kanilang mga sarili. Kapag ang isang tao ay nasadlak sa katanyagan at pakinabang, hindi na nila hinahanap ang maliwanag, ang matuwid, o ang mga bagay na maganda at mabuti. Ito ay dahil sa ang nakatutuksong kapangyarihan na mayroon ang katanyagan at pakinabang sa mga tao ay napakalaki; at ang mga ito ay nagiging mga bagay para hangarin ng mga tao sa buong buhay nila at maging sa walang hanggan nang walang katapusan. Hindi ba ito totoo? Ilang tao ang magsasabing ang pagkatuto ng kaalaman ay katulad lamang ng pagbabasa ng mga aklat o pagkatuto ng ilang bagay na hindi pa nila alam upang hindi mahuli sa mga panahon o hindi mapag-iwanan ng mundo. Ang kaalaman ay pinag-aaralan lamang upang makapaglagay sila ng pagkain sa hapag, para sa kanilang sariling kinabukasan, o para sa pangunahing mga pangangailangan. Mayroon bang kahit sinong tao ang magtitiis ng isang dekada ng puspusang pag-aaral para lamang sa pangunahing mga pangangailangan, para lamang lutasin ang usapin ng pagkain? Wala, walang mga taong ganito. Kaya bakit nagpapakahirap ang isang tao sa lahat ng mga taon na ito? Ito ay para sa katanyagan at pakinabang. Ang katanyagan at pakinabang ay naghihintay sa hinaharap para sa kanila, tumatawag sa kanila, at naniniwala sila na sa pamamagitan ng kanilang sariling sipag, mga paghihirap at pagpupunyagi saka lamang nila masusundan ang daan na magdadala sa kanila sa katanyagan at pakinabang. Ang nasabing tao ay dapat pagdusahan ang mga paghihirap na ito para sa kanilang sariling hinaharap na landas, para sa kanilang hinaharap na kasiyahan at upang magkamit ng mas magandang buhay. Ano naman kaya ang kaalamang ito—maaari ba ninyong sabihin sa Akin? Hindi ba ito ang mga panuntuan at pilosopiya sa buhay na ikinikintal ni Satanas sa tao, tulad ng “Mahalin ang Partido, mahalin ang bayan, at mahalin ang iyong relihiyon” at “Ang isang matalinong tao ay nagpapasakop sa mga sitwasyon”? Hindi ba ito ang “matatayog na mithiin” ng buhay na ikinintal sa tao ni Satanas? Gaya halimbawa, ang mga ideya ng mga dakilang tao, ang integridad ng mga sikat o matatapang na espiritu ng mga bayani, o ang pagkamaginoo at kabaitan ng mga bida at mga eskrimador sa mga nobela ng sining ng pakikipaglaban—hindi ba ang lahat ng ito ay paraan kung saan ikinikintal ni Satanas ang mga mithiing ito? Ang mga ideyang ito ay nakakaimpluwensya sa sali’t salinlahi, at nahihikayat ang mga tao ng bawat henerasyon na tanggapin ang mga ideyang ito. Palagi silang nagpapakahirap sa paghahangad na magtamo ng “matatayog na mithiin” na isasakripisyo pa nila ang kanilang buhay para doon. Ito ang kaparaanan at diskarte kung saan gumagamit si Satanas ng kaalaman para gawing tiwali ang mga tao. Kaya matapos akayin ni Satanas ang mga tao sa landas na ito, nagagawa ba nilang sundin at sambahin ang Diyos? At nagagawa ba nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos at hanapin ang katotohanan? Talagang hindi—dahil nailigaw na sila ni Satanas. Tingnan nating muli ang kaalaman, mga kaisipan, at mga opinyon na ikinintal ni Satanas sa mga tao: Nasa mga bagay na ito ba ang mga katotohanan ng pagsunod sa Diyos at pagsamba sa Diyos? Naroon ba ang mga katotohanan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Naroon ba ang anuman sa mga salita ng Diyos? Mayroon bang anuman sa mga iyon na may kaugnayan sa katotohanan? Wala talaga—walang-wala ang mga bagay na ito. Matitiyak mo ba na hindi naglalaman ng katotohanan ang mga bagay na ikinintal ni Satanas sa mga tao? Hindi ka nangangahas—ngunit hindi mahalaga iyon. Hangga’t nakikilala mo na ang “katanyagan” at “pakinabang” ay ang dalawang susing salita na ginagamit ni Satanas upang akitin ang mga tao sa landas ng kasamaan, sapat na kung gayon.

Suriin natin sandali ang mga napag-usapan natin hanggang ngayon: Ano ang ginagamit ni Satanas upang mapanatili ang tao sa mahigpit nitong kontrol? (Katanyagan at pakinabang.) Kaya, ginagamit ni Satanas ang katanyagan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang tanging maisip ng mga tao ay katanyagan at pakinabang. Nagsusumikap sila para sa katanyagan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa katanyagan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan para sa katanyagan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa katanyagan at pakinabang, at maghuhusga o magpapasya para sa katanyagan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang mga tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at hirap na hirap silang sumulong. Alang-alang sa katanyagan at pakinabang na ito, lumalayo ang sangkatauhan sa Diyos at nagtataksil sa Kanya at lalo silang nagiging masama. Sa ganitong paraan, samakatuwid, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng katanyagan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga kilos ni Satanas, hindi ba lubos na kasuklam-suklam ang masasamang motibo nito? Marahil ay hindi pa rin ninyo malinaw na nakikita ngayon ang masasamang motibo ni Satanas dahil iniisip ninyo na hindi mabubuhay ang tao kung walang katanyagan at pakinabang. Iniisip ninyo na kung tatalikuran ng mga tao ang katanyagan at pakinabang, hindi na nila makikita ang daan sa kanilang harapan, hindi na nila makikita ang kanilang mga layunin, na magiging madilim, malabo at mapanglaw ang kanilang hinaharap. Ngunit, unti-unti, balang araw ay mapapansin ninyong lahat na ang katanyagan at pakinabang ay malalaking kadenang ginagamit ni Satanas upang igapos ang tao. Pagdating ng araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at ang mga kadenang ginagamit ni Satanas upang igapos ka. Pagdating ng oras na nais mong iwaksi ang lahat ng bagay na naikintal sa iyo ni Satanas, ganap kang hihiwalay kay Satanas at talagang kamumuhian mo ang lahat ng naidulot ni Satanas sa iyo. Saka lamang magkakaroon ng tunay na pagmamahal at pananabik sa Diyos ang sangkatauhan.

b. Ginagamit ni Satanas ang Siyensya Upang Gawing Tiwali ang Tao

Katatapos pa lamang nating pag-usapan kung paano ginagamit ni Satanas ang kaalaman upang gawing tiwali ang tao, kaya ang sumunod nating pag-uusapan ay kung paano ginagamit ni Satanas ang siyensya upang gawing tiwali ang tao. Una, ginagamit ni Satanas ang pangalan ng siyensya upang bigyang-kasiyahan ang pagkamausisa ng tao, ang pagnanais ng tao na saliksikin ang siyensya at siyasatin ang mga hiwaga. Sa ngalan ng siyensya, binibigyang-kasiyahan ni Satanas ang materyal na mga pangangailangan ng tao at kahilingan ng tao na patuloy na iangat ang kalidad ng kanilang buhay. Sa gayon, sa kadahilanang ito ginagamit ni Satanas ang siyensya upang gawing tiwali ang tao. Ang pag-iisip o isipan lamang ba ng tao ang ginagawang tiwali ni Satanas gamit ang siyensya sa ganitong paraan? Sa mga tao, pangyayari, at bagay-bagay sa ating paligid na nakikita at nakakasalamuha natin, alin pa sa mga ito ang ginagawang tiwali ni Satanas gamit ang siyensya? (Ang likas na kapaligiran.) Tama. Tila labis kayong nasaktan nito, at labis na naapektuhan. Maliban sa paggamit ng lahat ng iba’t ibang tuklas at konklusyon ng siyensya upang linlangin ang tao, ginagamit din ni Satanas ang siyensya bilang isang kaparaanan upang wasakin at pagsamantalahan nang walang pakundangan ang tirahang kapaligirang bigay ng Diyos sa tao. Ginagawa ito ni Satanas sa ilalim ng kadahilanan na kung nagsasagawa ang tao ng siyentipikong pananaliksik, ang tirahang kapaligiran ng tao at ang kalidad ng buhay ay patuloy na aangat, at bukod pa riyan ay na ang layunin ng siyentipikong pag-unlad ay upang ilaan ang patuloy na materyal na mga pangangailangan ng tao na dumarami araw-araw at ang pangangailangan nilang patuloy na iangat ang kalidad ng kanilang buhay. Ito ang teoretikal na batayan ng pagpapaunlad ni Satanas sa siyensya. Gayunman, ano ang naidulot ng siyensya sa sangkatauhan? Ang kapaligiran bang tinitirhan natin—at ang kapaligirang tinitirhan ng buong sangkatauhan—ay hindi pa narumihan? Hindi pa ba narumihan ang hanging nilalanghap ng tao? Hindi pa ba narumihan ang tubig na iniinom natin? Organic at natural pa rin ba ang pagkaing kinakain natin? Karamihan sa mga butil at gulay ay genetically modified, napalago ang mga ito gamit ang pataba, at ang ilan ay mga variant na nilikha gamit ang siyensya. Hindi na natural ang mga gulay at prutas na kinakain natin. Kahit ang likas na mga itlog ay hindi na madaling matagpuan, at hindi na gaya ng dati ang lasa ng mga itlog, dahil naiproseso na ng tinatawag ni Satanas na siyensya. Kung titingnan ang buong sitwasyon, nawasak at narumihan na ang buong kapaligiran; ang mga kabundukan, lawa, kagubatan, ilog, karagatan, at lahat ng nasa ibabaw at ilalim ng lupa ay nasira nang lahat ng tinatawag na mga tagumpay ng siyensya. Sa madaling salita, ang buong likas na kapaligiran, ang tirahang kapaligirang bigay ng Diyos sa sangkatauhan, ay nawasak at nasira na ng tinatawag na siyensya. Bagama’t nakamit na ng maraming tao ang inaasam nila noon pa man pagdating sa kalidad ng buhay na hinahangad nila, na binibigyang-kasiyahan kapwa ang kanilang mga naisin at ang kanilang laman, ang kapaligirang tinitirhan ng tao ay talagang nawasak at nasira na ng iba’t ibang “mga tagumpay” na dulot ng siyensya. Ngayon, wala na tayong karapatang huminga ng isang hinga ng malinis na hangin. Hindi ba ito ang dalamhati ng sangkatauhan? Mayroon pa bang masasabing anumang kaligayahang natitira para sa tao, kung kailangan nilang manirahan sa ganitong uri ng espasyo? Ang espasyo at tirahang kapaligirang ito kung saan nabubuhay ang tao, simula’t sapul, ay nilikha ng Diyos para sa tao. Ang tubig na iniinom ng mga tao, ang hanging nilalanghap ng mga tao, ang iba’t ibang pagkaing kinakain ng mga tao, gayundin ang mga halaman at mga buhay na nilalang, at kahit ang mga kabundukan, lawa, at karagatan—bawat bahagi ng tirahang kapaligirang ito ay bigay ng Diyos sa tao; ito ay likas, gumagana alinsunod sa isang likas na batas na inilatag ng Diyos. Kung wala ang siyensya, susundin pa rin ng mga tao ang mga pamamaraang ipinagkaloob sa kanila ng Diyos, matatamasa nila ang lahat ng malinis at natural, at magiging maligaya sila. Gayunman, lahat ng ito ay nawasak at nasira na ngayon ni Satanas; ang pangunahing tinitirhang espasyo ng tao ay hindi na malinis. Ngunit walang sinumang nakapapansin kung ano ang nagsanhi nito o kung paano ito nangyari, at mas marami pang tao ang gumagamit ng siyensya at inuunawa ito gamit ang mga ideyang ikinintal sa kanila ni Satanas. Hindi ba ito labis na kasuklam-suklam at kaawa-awa? Ngayong nakuha na ni Satanas ang espasyo kung saan namumuhay ang sangkatauhan, gayundin ang kanilang tirahang kapaligiran, at ginawa silang tiwali sa ganitong kalagayan, at sa patuloy na pagsulong ng sangkatauhan sa ganitong paraan, kailangan pa bang personal na puksain ng Diyos ang mga taong ito? Kung patuloy na uunlad ang mga tao sa ganitong paraan, anong direksyon ang tatahakin nito? (Lilipulin sila.) Paano sila lilipulin? Bukod pa sa sakim na paghahanap ng mga tao sa katanyagan at pakinabang, patuloy silang nagsasagawa ng pagtuklas sa siyensya at nagsasaliksik nang husto, at pagkatapos ay walang-tigil na kumikilos sa isang paraan na nagbibigay-kasiyahan sa kanilang sariling materyal na mga pangangailangan at pagnanasa; ano kung gayon ang mga kahihinatnan ng tao? Una sa lahat, sira na ang balanse ng ekolohiya, at kapag nangyari ito, ang katawan ng mga tao, ang kanilang mga organ sa loob ng kanilang katawan, ay nabahiran at napinsala ng di-balanseng kapaligirang ito, at ang iba’t ibang nakahahawang mga sakit at salot ay lumaganap sa buong mundo. Hindi ba totoo na isang sitwasyon ito ngayon na walang kontrol ang tao? Ngayong nauunawaan na ninyo ito, kung hindi sinusunod ng sangkatauhan ang Diyos, kundi palaging sinusunod si Satanas sa ganitong paraan—na ginagamit ang kaalaman upang patuloy na payamanin ang kanilang sarili, ginagamit ang siyensya upang walang-tigil na tuklasin ang hinaharap ng buhay ng tao, ginagamit ang ganitong uri ng pamamaraan upang patuloy na mabuhay—napapansin ba ninyo kung paano ito magwawakas para sa sangkatauhan? Likas na maglalaho ang sangkatauhan: Sa paisa-isang hakbang, sumusulong ang sangkatauhan tungo sa pagkawasak, tungo sa sarili nilang pagkawasak! Hindi ba ito pagdudulot ng pagkawasak sa kanilang sarili? At hindi ba ito ang kahihinatnan ng pag-unlad ng siyensya? Ngayon ay tila baga ang siyensya ay isang uri ng mahiwagang inuming naihanda ni Satanas para sa tao, kaya kapag sinusubukan ninyong unawain ang mga bagay-bagay ay ginagawa ninyo ito nang may kalabuan; gaano man kayo tumingin nang husto, hindi ninyo makikita nang malinaw ang mga bagay-bagay, at gaano man ninyo pagsikapan, hindi ninyo mauunawaan ang mga ito. Gayunman, ginagamit ni Satanas ang pangalan ng siyensya upang panabikin ka at lubos na mahila, sa paisa-isang hakbang, tungo sa kailaliman at kamatayan. At dahil dito, malinaw na makikita ng mga tao na ang totoo, ang pagpuksa sa tao ay kagagawan ni Satanas—si Satanas ang pasimuno. Hindi nga ba ganito? (Oo, ganito nga.) Ito ang pangalawang paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan.

c. Ginagamit ni Satanas ang Tradisyunal na Kultura Upang Gawing Tiwali ang Tao

Tradisyunal na kultura ang pangatlong paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang tao. Maraming pagkakatulad sa pagitan ng tradisyunal na kultura at ng pamahiin, ngunit ang pagkakaiba ay na may partikular na mga kuwento, parunggit, at pinagmulan ang tradisyunal na kultura. Nakapagtahi-tahi at nakapag-imbento si Satanas ng maraming kuwentong bayan o mga kuwentong lumilitaw sa mga aklat ng kasaysayan, na nag-iiwan ng malalalim na impresyon sa mga tao tungkol sa tradisyunal na kultura o mga pamahiin. Halimbawa, sa China ay may “Ang Walong Imortal na Tumatawid ng Dagat,” “Paglalakbay Patungong Kanluran,” ang Jade na Emperador, “Ang Paglupig ni Nezha sa Haring Dragon,” at “Ang Pagtatalaga ng mga Diyos.” Hindi ba nakaugat nang malalim ang mga ito sa isipan ng tao? Kahit hindi alam ng ilan sa inyo ang lahat ng detalye, alam pa rin ninyo ang mga pangkalahatang kuwento, at ang pangkalahatang nilalamang ito ang nakakintal sa iyong puso’t isipan, kaya hindi mo makalimutan ang mga iyon. Ito ang sari-saring mga ideya o alamat na inihanda ni Satanas para sa tao noong unang panahon, at naikalat na sa iba’t ibang panahon. Ang mga bagay na ito ay tuwirang pumipinsala at nagpapahina sa kaluluwa ng mga tao at gumagayuma nang sunud-sunod sa mga tao. Ibig sabihin ay kapag tinanggap mo na ang gayong tradisyunal na kultura, mga kuwento, o pamahiin, kapag nakatatag ang mga ito sa iyong isipan, at kapag nakakintal ang mga ito sa iyong puso, para kang nagayuma—nasasadlak at naiimpluwensyahan ka ng kultural na mga patibong na ito, ng mga ideya at tradisyonal na mga kuwentong ito. Iniimpluwensyahan ng mga ito ang iyong buhay, ang pananaw mo sa buhay, at ang iyong paghusga sa mga bagay-bagay. Mas lalong iniimpluwensyahan ng mga ito ang iyong paghahangad sa tunay na daan ng buhay: Isang masamang gayuma nga ito. Gaano mo man subukan, hindi mo maiwawaksi ang mga ito; tinataga mo ang mga ito ngunit hindi mo kayang ibuwal ang mga ito; hinahataw mo ang mga ito ngunit hindi mo kayang talunin ang mga ito. Bukod pa rito, pagkatapos sumailalim ang mga tao sa ganitong uri ng gayuma nang hindi nila alam, nagsisimula silang sumamba kay Satanas nang hindi nila alam, na itinataguyod ang imahe ni Satanas sa kanilang puso. Sa madaling salita, itinatatag nila si Satanas bilang kanilang diyus-diyusan, isang bagay na sasambahin at titingalain nila, na humahantong pa sa pagturing dito bilang Diyos. Hindi nila alam na ang mga bagay na ito ay nasa puso ng mga tao, kumokontrol sa kanilang mga salita at gawa. Bukod dito, itinuturing mong mali ang mga kuwento at alamat na iyon noong una, kaya lamang ay kinikilala mo ang pag-iral ng mga iyon nang hindi mo alam, kaya nagiging totoong mga tao ang mga iyon at nagiging totoo at umiiral na mga bagay ang mga iyon. Wala kang kamalay-malay, tinatanggap mo nang hindi namamalayan ang mga ideyang ito at ang pag-iral ng mga bagay na ito. Tinatanggap mo rin nang hindi namamalayan ang mga diyablo, si Satanas, at mga diyus-diyusan sa sarili mong tahanan at sa sarili mong puso—isang gayuma nga ito. Umaalingawngaw ba ang mga salitang ito sa inyo? (Oo.) Mayroon bang sinuman sa inyo na nakapagsunog na ng insenso at nakasamba kay Buddha? (Oo.) Kung gayo’y ano ang layunin ng pagsusunog ng insenso at pagsamba kay Buddha? (Pagdarasal para sa kapayapaan.) Sa pag-iisip tungkol dito ngayon, hindi ba kakatwang manalangin kay Satanas para sa kapayapaan? Naghahatid ba ng kapayapaan si Satanas? (Hindi.) Hindi ba ninyo nakikita kung gaano kayo kamangmang noon? Ang ganoong uri ng pag-uugali ay kakatwa, mangmang at walang muwang, hindi ba? Ang inaalala lamang ni Satanas ay kung paano ka gagawing tiwali. Imposible kang mabigyan ni Satanas ng kapayapaan, pansamantalang kapahingahan lamang ang kayang ibigay nito. Ngunit upang makamit ang kapahingahang ito kailangan kang manumpa, at kung masira mo ang iyong pangako o ang iyong sinumpaan kay Satanas, saka mo makikita kung paano ka nito pahihirapan. Sa pagtulak sa iyo na manumpa, ang totoo ay gusto nitong kontrolin ka. Nang ipagdasal ninyong magkaroon ng kapayapaan, nagkamit ba kayo ng kapayapaan? (Hindi.) Hindi kayo nagkamit ng kapayapaan, kundi bagkus ay naghatid ng kamalasan at walang-katapusang mga kapahamakan ang inyong mga pagsisikap—tunay na isang walang-hangganang karagatan ng kapaitan. Walang kapayapaan sa kapangyarihan ni Satanas, at ito ang totoo. Ito ang bungang naidulot ng piyudal na pamahiin at tradisyunal na kultura sa sangkatauhan.

d. Paano Ginagamit ni Satanas ang mga Kalakarang Panlipunan Upang Gawing Tiwali ang Tao

Ang huling paraan na ginagawang tiwali at kinokontrol ni Satanas ang tao ay sa pamamagitan ng mga kalakaran sa lipunan. Ang mga kalakaran sa lipunan ay sumasaklaw sa maraming aspeto, kabilang na ang iba’t ibang aspetong tulad ng pagsamba sa mga tanyag at kilalang mga tao, gayundin sa mga idolo sa pelikula at musika, pagsamba sa artista, mga online game, atbp.—ang lahat ng ito ay bahagi ng mga kalakaran sa lipunan, at hindi na kailangang idetalye pa iyon dito. Pag-uusapan lamang natin ang mga ideyang idinudulot ng mga kalakaran sa lipunan sa mga tao, kung paano kumikilos ang mga tao sa mundo dahil sa mga ito, at ang mga layunin at pananaw sa buhay na idinudulot ng mga ito sa mga tao. Napakahalaga ng mga ito; makokontrol at maiimpluwensyahan ng mga ito ang isipan at opinyon ng mga tao. Sunud-sunod ang paglitaw ng mga kalakarang ito, at lahat ng ito ay nagdadala ng masamang impluwensyang patuloy na nagpapasama sa sangkatauhan, na nagiging sanhi upang ang mga tao ay mawalan ng konsiyensya, pagkatao at katinuan, na lalo pang nagpapahina sa kanilang moralidad at kalidad ng kanilang ugali, hanggang sa masasabi pa natin na karamihan sa mga tao ngayon ay walang integridad, hindi makatao, at ni walang anumang konsiyensya, at lalong walang anumang katinuan. Kaya ano ang mga kalakarang ito sa lipunan? Ito ang mga kalakarang hindi mo makikita gamit ang karaniwang mata. Kapag lumalaganap ang isang bagong kalakaran sa mundo, marahil ay maliit na bilang lamang ng mga tao ang nangunguna, na gumaganap bilang mga tagapagpauso. Nagsisimula sila sa paggawa ng isang bagay na bago, pagkatapos ay tinatanggap ang isang uri ng ideya o isang uri ng pananaw. Karamihan sa mga tao, gayunman, ay patuloy na mahahawa, maaakit, at mapapasama sa kalakarang ito nang wala silang kamalay-malay, hanggang sa tanggapin nilang lahat ito nang hindi nila alam at hindi sinasadya at malubog sila rito at makontrol nito. Sunud-sunod, ang mga kalakarang iyon ay nagiging sanhi upang ang mga tao, na hindi matino ang katawan at isipan, hindi nalalaman kung ano ang katotohanan, at hindi nakikilala ang kaibhan ng positibo sa negatibong mga bagay, ay masayang tanggapin ang mga ito gayundin ang mga pananaw at pagpapahalaga sa buhay na nagmumula kay Satanas. Tinatanggap nila kung ano ang sabihin sa kanila ni Satanas kung paano unawain ang buhay at ang paraan ng pamumuhay na “ipinagkakaloob” sa kanila ni Satanas, at wala silang lakas ni kakayahan, lalo pa ng kamalayan, na lumaban. Kaya paano ba makikilala ang gayong mga kalakaran? Nakapili Ako ng isang simpleng halimbawa na maaaring unti-unti ninyong maunawaan. Halimbawa, pinatakbo ng mga tao ang kanilang negosyo noong araw sa paraan na walang sinumang nadaya; nagbenta sila ng mga item sa parehong presyo kahit sino ang bumili. Hindi ba ipinapakita rito ang kaunting elemento ng konsiyensya at pagkamakatao? Kapag pinatakbo ng mga tao nang ganito ang kanilang negosyo, nang walang masamang layunin, makikita na mayroon pa rin silang kaunting konsiyensya at kaunting pagkamakatao noong panahong iyon. Ngunit dahil palaki nang palaki ang pangangailangan ng tao sa pera, walang kaalam-alam ang mga tao na lalo pa silang umibig sa pera, pakinabang, at kasiyahan. Hindi ba mas inuuna ng mga tao ang pera kaysa noon? Kapag ang tingin ng mga tao sa pera ay napakahalaga, wala silang kaalam-alam na hindi na nila gaanong pinahahalagahan ang kanilang reputasyon, kanilang katanyagan, kanilang magandang pangalan at kanilang integridad, hindi ba? Kapag nagnegosyo ka, nakikita mong yumayaman ang iba sa pandaraya sa mga tao. Bagama’t ang pera ay kinita sa masamang paraan, mas lalo pa silang yumayaman. Naiinis kang makita ang lahat ng tinatamasa ng buong pamilya nila: “Pareho kaming nagnenegosyo pero yumaman sila. Bakit hindi ako kumikita ng malaking pera? Hindi ko matatanggap ito—kailangan kong humanap ng paraan para kumita ng mas malaking pera.” Pagkatapos niyon, ang tanging iniisip mo ay kung paano ka yayaman. Kapag isinuko mo na ang paniniwala na “ang pera ay dapat kitain nang may konsiyensya, nang walang nilolokong sinuman,” kung gayon ay sa udyok ng sarili mong mga interes, unti-unting nagbabago ang iyong paraan ng pag-iisip, gayundin ang mga prinsipyo sa likod ng iyong mga kilos. Kapag dinaya mo ang isang tao sa unang pagkakataon, nadarama mo na kinokonsiyensa ka, at sinasabi sa iyo ng puso mo, “Kapag natapos na ito, ito na ang huling pagkakataon na mandaraya ako ng isang tao. Ang pandaraya sa mga tao sa tuwina ay mauuwi sa pagpaparusa!” Ito ang tungkulin ng konsiyensya ng tao—ang ipadama sa iyo ang pag-aatubili at pagsisihin ka, upang maging hindi natural ang pakiramdam kapag nandaraya ka ng isang tao. Ngunit matapos mong tagumpay na linlangin ang isang tao, nakikita mo na mas marami kang pera ngayon kaysa rati, at iniisip mo na maaaring maging napakalaki ng pakinabang ng pamamaraang ito para sa iyo. Sa kabila ng kaunting kirot sa puso mo, parang gusto mo pa ring batiin ang sarili mo sa iyong tagumpay, at nasisiyahan ka nang kaunti sa iyong sarili. Sa unang pagkakataon, sinasang-ayunan mo ang sarili mong ugali, ang sarili mong mapanlinlang na mga paraan. Kapag kontaminado na ng pandarayang ito ang tao, kapareho ito ng isang taong nasangkot sa sugal at pagkatapos ay naging sugarol. Wala kang kamalay-malay, sinasang-ayunan mo ang sarili mong gawaing mandaya at tinatanggap ito. Wala kang kamalay-malay, iniisip mo na ang pandaraya ay isang lehitimong gawain sa pagnenegosyo at siyang pinakakapaki-pakinabang na kaparaanan sa iyong buhay at kabuhayan; iniisip mo na sa paggawa nito ay maaari kang yumaman kaagad. Ito ay isang proseso: Sa simula, hindi matatanggap ng mga tao ang ganitong uri ng pag-uugali at hinahamak nila ang ganitong pag-uugali at gawi. Pagkatapos ay sinisimulan nilang subukan mismo ang pag-uugaling ito, at sinusubukan ito sa sarili nilang paraan, at ang puso nila ay unti-unting nagbabago. Anong uri ng pagbabago ito? Ito ay isang pagsang-ayon at pagtanggap sa kalakarang ito, sa ideyang ito na ikinintal sa iyo ng kalakaran sa lipunan. Hindi mo namamalayan, kung hindi mo darayain ang mga tao sa pakikipagnegosyo sa kanila, pakiramdam mo ay nalulugi ka; kung hindi mo darayain ang mga tao, pakiramdam mo ay parang may nawala sa iyo. Hindi mo alam, ang pandarayang ito ay nagiging kaluluwa mo mismo, pangunahing sandigan mo, at isang uri ng pag-uugaling kailangang-kailangan na isang prinsipyo mo sa buhay. Matapos tanggapin ng tao ang ugali at pag-iisip na ito, hindi ba ito naghatid ng pagbabago sa puso niya? Nagbago na ang puso mo, kaya nagbago na rin ba ang integridad mo? Nagbago na ba ang pagkatao mo? Nagbago na ba ang konsiyensya mo? Nagbago na ang iyong buong pagkatao, mula sa puso mo hanggang sa isipan mo, mula sa loob hanggang sa labas, at malaking pagbabago ito. Ang pagbabagong ito ay mas lalo kang inilalayo sa Diyos, at mas lalo kang nagiging kaayon ni Satanas; mas lalo kang nagiging kapareho ni Satanas, na ang resulta ay ginagawa kang demonyo ng pagtitiwali ni Satanas.

Sa pagtingin sa mga kalakarang panlipunan na ito, masasabi ba ninyo na mayroon silang malaking impluwensya sa mga tao? Ang mga ito ba’y may matinding nakapipinsalang epekto sa mga tao? Mayroon nga silang napakatinding nakapipinsalang epekto sa mga tao. Sa anong mga aspeto ng tao ginagamit ni Satanas ang bawat isa sa mga kalakarang ito para gawin silang tiwali? Ginagawang tiwali ni Satanas higit sa lahat ang konsiyensya, diwa, pagkatao, moralidad, at mga pananaw sa buhay ng tao. At hindi ba unti-unting pinabababa at ginagawang tiwali ng mga kalakarang ito sa lipunan ang mga tao? Ginagamit ni Satanas ang mga kalakarang panlipunan na ito upang dahan-dahang akitin ang mga tao sa pugad ng mga diablo, sa gayon ang mga taong naipit sa mga kalakarang panlipunan ay walang kamalayang nanghihikayat sa pagnanasa para sa salapi at materyal, at sa kasamaan at karahasan. Sa sandaling ang mga bagay na ito ay makapasok sa puso ng tao, nagiging ano kung gayon ang tao? Ang tao ay nagiging ang diablong si Satanas! Bakit? Ito ay dahil sa anong sikolohikal na pagkahilig sa puso ng tao? Ano ang itinataguyod ng tao? Nagsisimulang magustuhan ng tao ang kasamaan at karahasan, na hindi nagpapakita ng anumang pagmamahal sa kagandahan at kabutihan, lalo na sa kapayapaan. Hindi nakahandang isabuhay ng tao ang simpleng buhay ng normal na pagkatao, sa halip nais na tamasahin ang mataas na katayuan at malaking kayamanan, ang magpakasaya sa mga pagnanasa ng laman, na hindi nag-aatubiling bigyang-kasiyahan ang sarili nilang laman, nang walang mga paghihigpit, walang mga gapos na pipigil sa kanila; sa madaling salita, ginagawa ang anumang naisin nila. Kaya kapag ang tao ay nalubog sa ganitong mga uri ng mga kalakaran, makatutulong ba ang kaalaman na natutuhan mo upang palayain mo ang iyong sarili? Makatutulong ba sa iyo ang iyong pagkaunawa sa mga tradisyunal na kultura at mga pamahiin upang makatakas sa kakila-kilabot na kalagayang ito? Makatutulong ba sa kanila ang tradisyunal na moralidad at tradisyunal na seremonya na nauunawaan ng tao na magsanay ng pagpipigil? Gawin nating halimbawa ang mga Analect at ang Tao Te Ching. Matutulungan ba ng mga ito ang mga tao na iahon ang kanilang mga paa mula sa putikan ng masasamang ito? Talagang hindi. Sa ganitong paraan, ang tao ay nagiging higit na mas masama, mayabang, mapagmataas, makasarili, at malisyoso. Wala nang anumang pagmamahal sa pagitan ng mga tao, wala nang anumang pagmamahal sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya, wala nang anumang pagkakaunawaan sa mga magkakamag-anak at magkakaibigan; ang mga ugnayang pantao ay puno ng karahasan. Nais gamitin ng bawat isang tao ang mararahas na pamamaraan upang mabuhay sa gitna ng kanilang kapwa tao; sinasamsam nila ang sarili nilang kabuhayan gamit ang karahasan; nakakamit nila ang kanilang mga posisyon at ang kanilang mga kita gamit ang karahasan, at ginagawa nila ang anumang naisin nila gamit ang mararahas at masasamang paraan. Hindi ba nakakatakot ang ganitong sangkatauhan? Totoo, lubhang nakakatakot: Hindi lamang nila ipinako ang Diyos sa krus, kundi papatayin din ang lahat ng sumusunod sa Kanya—dahil napakasama ng tao. Pagkarinig sa lahat ng bagay na ito na kasasabi Ko lamang, hindi ba ninyo naisip na nakakatakot na mamuhay sa kapaligirang ito, sa mundong ito, at sa gitna ng mga ganitong uri ng mga tao, kung saan ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan? (Oo.) Kaya naramdaman na ba ninyo kailanman na kahabag-habag ang inyong mga sarili? Nararamdaman na dapat ninyo ito ngayon nang bahagya, hindi ba? (Oo.) Kung didinggin ang inyong tono, tila iniisip ninyo na “ginagamit ni Satanas ang napakaraming iba’t ibang paraan upang gawing tiwali ang tao. Sinusunggaban nito ang bawat pagkakataon at nasa lahat ng dako na ating binabalingan. Makaliligtas pa ba ang tao?” Makaliligtas pa ba ang tao? Maililigtas ba ng tao ang kanilang sarili? (Hindi.) Maililigtas ba ni Emperador Jade ang tao? Maililigtas ba ni Confucious ang tao? Maililigtas ba ni Guanyin Bodhisattva ang tao? (Hindi.) Kaya sino ang makakapagligtas sa tao? (Ang Diyos.) Ang ilang tao, gayunman, ay itataas sa kanilang puso ang mga tanong na gaya ng: “Pinipinsala tayo ni Satanas nang napakarahas, sa paraang napakabangis, na wala na tayong pag-asang mabuhay, ni anumang pagtitiwalang maaari tayong mabuhay. Tayong lahat ay nabubuhay sa gitna ng katiwalian at lumalaban ang bawat isang tao sa Diyos, at ang ating mga puso ay nanlamig nang husto ngayon. Kaya habang tayo ay ginagawang tiwali ni Satanas, nasaan ang Diyos? Ano ang ginagawa ng Diyos? Anuman ang ginagawa ng Diyos para sa atin hindi natin nararamdaman ito!” Hindi maiiwasang manlumo ng ilang tao at panghinaan ng loob. Sa inyo, ang pakiramdam na ito ay napakatindi sapagkat lahat ng Aking sinasabi ay upang unti-unting ipaunawa sa mga tao, upang lalo pang mas maramdaman na sila ay walang pag-asa, upang lalo pang mas maramdaman na sila ay tinalikdan ng Diyos. Subalit huwag mag-alala. Ang paksa ng ating pagbabahagi para sa araw na ito, “ang kasamaan ni Satanas,” ay hindi siyang ating totoong tema. Upang pag-usapan ang tungkol sa diwa ng kabanalan ng Diyos, dapat muna nating pag-usapan kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang tao at ang kasamaan ni Satanas upang mas maging malinaw sa mga tao kung anong uri ng kondisyon ang kinaroroonan ng tao ngayon. Ang isang layunin ng pag-uusap tungkol dito ay upang ipaalam sa mga tao ang kasamaan ni Satanas, habang ang isa pa ay upang ipaunawa nang husto sa mga tao kung ano ang tunay na kabanalan.

Hindi ba’t mas detalyado Akong nagsalita tungkol sa mga bagay na ito na katatalakay pa lamang natin kaysa noong nakaraan? Ang pagkaunawa ba ninyo ngayon ay medyo mas malalim na? (Oo.) Alam Ko na maraming tao ngayon ang umaasang sasabihin Ko kung ano ba talaga ang kabanalan ng Diyos, subalit habang nagsasalita Ako tungkol sa kabanalan ng Diyos tatalakayin Ko muna ang tungkol sa mga gawain na ginagampanan ng Diyos. Lahat kayo ay dapat makinig nang mabuti. Pagkatapos ay tatanungin Ko kayo kung ano ba talaga ang kabanalan ng Diyos. Hindi Ko sasabihin sa inyo nang tuwiran, sa halip hahayaan Ko kayong subukan na alamin ito; bibigyan Ko kayo ng pagkakataong alamin ito. Ano ang palagay ninyo sa paraang ito? (Ito’y mabuti.) Kaya makinig nang maigi habang nagpapatuloy Ako.

Pag-unawa sa Kabanalan ng Diyos sa Pamamagitan ng Kung Ano ang Ginagawa Niya sa Tao

Tuwing ginagawang tiwali ni Satanas ang tao o nagbibigay ng di-mapigilang pamiminsala, ang Diyos ay hindi nagsasawalang-kibo, ni hindi rin Siya nagwawalang-bahala o nagbubulag-bulagan doon sa Kanyang mga hinirang. Lahat ng ginagawa ni Satanas ay nauunawaan ng Diyos nang may ganap na kalinawan. Anuman ang gawin ni Satanas, anumang kalakaran ang pinalilitaw nito, nalalaman ng Diyos ang lahat ng sinusubukang gawin ni Satanas, at hindi isinusuko ng Diyos ang Kanyang mga hinirang. Sa halip, ginagawa ng Diyos nang hindi makatawag-pansin—palihim, tahimik—ang lahat ng kinakailangan. Kapag nagsisimulang gumawa ang Diyos sa isang tao, kapag napili Niya ang isang tao, hindi Niya ito ibinabalita kaninuman, ni hindi Niya ito ipinahahayag kay Satanas, lalo nang hindi Siya gumagawa ng anumang maringal na paggalaw. Napakatahimik at napakasimple lamang Niyang ginagawa ang kinakailangan. Una, pumipili Siya ng isang pamilya para sa iyo; ang pinagmulan ng iyong pamilya, ang iyong mga magulang, ang iyong mga ninuno—lahat ng ito ay maagang pinagpapasiyahan ng Diyos. Sa madaling salita, hindi ginagawa ng Diyos ang mga pagpapasiyang ito nang padalus-dalos, sa halip, matagal na Niyang sinimulan ang gawaing ito. Kapag nakapili na ang Diyos ng isang pamilya para sa iyo, pinipili naman Niya ang petsa kung kailan ka isisilang. Pagkatapos, nanonood ang Diyos habang isinisilang kang umiiyak sa mundo. Pinapanood Niya ang iyong pagsilang, nanonood Siya habang binibigkas mo ang iyong unang mga salita, nanonood habang nadadapa ka at humahakbang ng mga una mong hakbang habang nag-aaral kang maglakad. Una’y humahakbang ka ng isa at pagkatapos ay isa pa—at ngayon ay nakakatakbo ka na, nakakatalon, nakakapagsalita, at nakakapagpahayag ng iyong mga damdamin…. Habang lumalaki ang mga tao, nakapako ang titig ni Satanas sa bawat isa sa kanila, kagaya ng isang tigreng nakamasid sa bibiktimahin nito. Ngunit sa paggawa ng Kanyang gawain, hindi kailanman napailalim ang Diyos sa anumang mga limitasyong nagmumula sa mga tao, pangyayari o bagay-bagay, ng espasyo o panahon; ginagawa Niya kung ano ang dapat at kailangan Niyang gawin. Sa proseso ng paglaki, maaari kang makasagupa ng maraming bagay na hindi mo gusto, gaya ng karamdaman at kabiguan. Ngunit habang lumalakad ka sa landas na ito, ang iyong buhay at ang iyong kinabukasan ay nasa mahigpit na pangangalaga ng Diyos. Binibigyan ka ng Diyos ng isang tunay na garantiya na magtatagal sa buong buhay mo, sapagkat Siya ay nasa tabi mo, binabantayan ka at inaalagaan. Lumalaki ka nang hindi ito namamalayan. Nagsisimula kang makipag-ugnayan sa mga bagay na bago at unti-unti mong nakikilala ang mundong ito at ang sangkatauhang ito. Lahat ay sariwa at bago sa iyo. Mayroon kang ilang bagay na gustung-gusto mong gawin. Namumuhay ka ayon sa sarili mong pagkatao, namumuhay ka sa loob ng sarili mong espasyo at wala ka ni katiting na pagkaintindi tungkol sa pag-iral ng Diyos. Ngunit pinanonood ng Diyos ang bawat hakbang mo habang lumalaki ka, at pinanonood Niya ang bawat hakbang mo pasulong. Kahit habang natututo ng kaalaman, o nag-aaral ng siyensya, hindi kailanman umalis ang Diyos sa iyong tabi kahit isang hakbang. Kapareho mo lamang ang ibang mga tao dahil, habang kinikilala mo ang mundo at nakikilahok ka rito, nakapagtatag ka ng sarili mong mga mithiin, mayroon kang sarili mong mga libangan, sarili mong mga interes, at nagkikimkim ka rin ng matatayog na ambisyon. Madalas mong pagnilayan ang sarili mong kinabukasan, madalas mong iguhit ang balangkas kung paano dapat ang hitsura ng iyong kinabukasan. Ngunit anuman ang mangyari habang daan, malinaw na nakikita ng Diyos ang lahat ng ito. Marahil ay nalimutan mo na mismo ang sarili mong nakaraan, ngunit sa Diyos, walang sinumang makauunawa sa iyo nang higit kaysa sa Kanya. Nabubuhay ka sa ilalim ng mga mata ng Diyos, lumalaki, nagkakagulang. Sa panahong ito, ang pinakamahalagang gawain ng Diyos ay isang bagay na walang sinumang nakauunawa kailanman, isang bagay na walang sinumang nakaaalam. Tiyak na hindi sinasabi ng Diyos kaninuman ang tungkol dito. Kaya ano nga ba ang napakahalagang bagay na ito? Masasabi na ito ang garantiya na ililigtas ng Diyos ang isang tao. Nangangahulugan ito na kung nais ng Diyos na iligtas ang taong ito, kailangan Niyang gawin ito. Napakahalaga ng gawaing kapwa sa tao at sa Diyos. Alam ba ninyo kung ano ito? Parang wala kayong nadaramang anuman tungkol dito, o anumang konsepto nito, kaya sasabihin Ko sa inyo. Mula nang isilang ka hanggang sa ngayon, nakapagsagawa ang Diyos ng malaking gawain sa iyo, ngunit hindi ka Niya binibigyan ng detalyadong salaysay ng lahat ng bagay na Kanyang nagawa. Hindi ka pinahintulutan ng Diyos na malaman ito, at ni hindi rin Niya sinabi sa iyo. Gayunman, para sa sangkatauhan, lahat ng Kanyang ginagawa ay mahalaga. Para sa Diyos, ito ay isang bagay na kailangan Niyang gawin. Sa Kanyang puso may isang mahalagang bagay na kailangan Niyang gawin na lubhang nakahihigit sa anuman sa mga bagay na ito. Ibig sabihin, mula nang isilang ang isang tao hanggang sa araw na ito, kailangang garantiyahan ng Diyos ang kaligtasan nila. Kapag naririnig ninyo ang mga salitang ito, maaaring madama ninyo na para bang hindi ninyo ito lubos na nauunawaan. Maaari ninyong itanong “Napakahalaga ba ng kaligtasang ito?” Ano ba ang literal na kahulugan ng “kaligtasan”? Ang pagkaunawa siguro ninyo rito ay kapayapaan o ang pagkaunawa siguro ninyo rito ay hindi pagdanas kailanman ng anumang sakuna o kalamidad, ang mamuhay nang maayos, ang mamuhay ng isang normal na buhay. Ngunit sa inyong puso, kailangan ninyong malaman na hindi ito gayon kasimple. Kaya ano ba talaga ang bagay na ito na tinutukoy Ko, na kailangang gawin ng Diyos? Ano ba ang kahulugan ng kaligtasan para sa Diyos? Ito ba talaga ay isang garantiya ng normal na kahulugan ng “kaligtasan”? Hindi. Kaya ano ang ginagawa ng Diyos? Ang “kaligtasang” ito ay nangangahulugan na hindi ka lalamunin ni Satanas. Mahalaga ba ito? Hindi ka lalamunin ni Satanas—may kinalaman ba ito sa iyong kaligtasan o wala? Oo, may kinalaman ito sa iyong personal na kaligtasan, at walang anumang bagay ang mas mahalaga. Kapag nalamon ka ni Satanas, hindi na pag-aari ng Diyos ang iyong kaluluwa at katawan. Hindi ka na ililigtas ng Diyos. Tinatalikuran ng Diyos ang mga kaluluwa at mga taong nalamon na ni Satanas. Kaya sinasabi Ko na ang pinakamahalagang bagay na kailangang gawin ng Diyos ay ang garantiyahan ang kaligtasan mong ito, garantiyahan na hindi ka malalamon ni Satanas. Napakahalaga nito, hindi ba? Kaya bakit hindi kayo makasagot? Tila hindi ninyo nadarama ang malaking kabaitan ng Diyos!

Mas marami pang ginagawa ang Diyos maliban sa paggarantiya sa kaligtasan ng mga tao, paggarantiya na hindi sila lalamunin ni Satanas. Marami rin Siyang ginagawa sa paghahanda bago piliin at iligtas ang isang tao. Una, gumagawa ang Diyos ng maingat na paghahanda tungkol sa uri ng pagkatao na magkakaroon ka, sa anong uri ng pamilya ka ipapanganak, sinu-sino ang magiging mga magulang mo, kung ilang magkakapatid kayo, at ano ang sitwasyon, katayuang pangkabuhayan, at mga kondisyon ng pamilya kung saan ka ipinanganak. Alam ba ninyo kung sa anong uri ng pamilya ipinapanganak ang karamihan ng hinirang na bayan ng Diyos? Ang mga ito ba’y mga kilalang pamilya? Hindi natin masasabi nang tiyakan na walang ipinapanganak sa mga kilalang pamilya. Maaaring may ilan, ngunit sila ay napakakaunti. Sila ba’y ipinapanganak sa mga pamilya na may pambihirang kayamanan, mga pamilya ng mga bilyonaryo o mga multi-milyonaryo? Hindi, sila ay halos hindi kailanman ipinapanganak sa ganitong uri ng pamilya. Kung gayon, anong uri ng pamilya ang inihahanda ng Diyos para sa karamihan ng mga taong ito? (Mga pangkaraniwang pamilya.) Kaya aling mga pamilya ang maituturing na “mga pangkaraniwang pamilya”? Kasama sa mga ito ang mga pamilya ng manggagawa—iyon ay, iyong umaasa sa sahod para mabuhay, makakayanang bilhin ang mga pangunahing pangangailangan, at hindi labis na may kaya; kasama rin ang mga pamilyang nagsasaka. Ang mga magsasaka ay umaasa sa pagtatanim para sa kanilang pagkain, mayroon silang butil na makakain at mga kasuotan, at hindi nagugutom o nilalamig. Pagkatapos ay may ilang pamilya na nagpapatakbo ng maliliit na negosyo, at ilan na kung saan ang mga magulang ay matatalinong tao, at ang mga ito ay maituturing din bilang mga pangkaraniwang pamilya. Mayroon ding ilang magulang na mga manggagawa sa opisina o nakabababang opisyal ng pamahalaan, na hindi rin maaaring ituring na kaanib ng mga kilalang pamilya. Mas marami ang ipinanganak sa mga pangkaraniwang pamilya, at lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Na ang ibig sabihin, una sa lahat, ang kapaligirang ito na tinitirhan mo ay hindi ang pamilyang may malaking kayamanan na maaaring isipin ng mga tao, at ito ay pamilya na ipinasya para sa iyo ng Diyos, at ang karamihan ng mga tao ay mamumuhay sa loob ng mga hangganan ng ganitong uri ng pamilya. Paano naman kaya ang tungkol sa katayuan sa lipunan? Ang mga kondisyong pangkabuhayan ng karamihan sa mga magulang ay pangkaraniwan at wala silang mataas na katayuan sa lipunan—mabuti para sa kanila ang magkaroon na lang ng isang trabaho. Kasama ba sa kanila ang mga gobernador? O mga presidente ng bansa? Hindi naman, hindi ba? Sa karamihan sila ay mga taong tulad ng mga tagapangasiwa o may-ari ng maliliit na negosyo. Ang kanilang katayuan sa lipunan ay katamtaman, at ang kanilang mga kondisyong pangkabuhayan ay pangkaraniwan. Ang isa pang salik ay ang tinitirhang kapaligiran ng pamilya. Una sa lahat, walang mga magulang sa mga pamilyang ito ang malinaw na iimpluwensyahan ang kanilang mga anak na lakaran ang landas ng panghuhula; kakaunti ang nakikisangkot sa mga gayong bagay. Karamihan sa mga magulang ay lubhang normal. Itinatatag ng Diyos ang ganitong uri ng kapaligiran para sa mga tao kasabay ng pagpili sa kanila, na lubhang kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain ng pagliligtas sa mga tao. Kung hindi susuriing mabuti, tila ang Diyos ay walang nagawang nakayayanig para sa tao; ginagawa lamang Niya ang lahat ng bagay nang palihim, nang mapagpakumbaba at nang tahimik. Ngunit sa katunayan, lahat ng ginagawa ng Diyos ay ginagawa upang maglatag ng isang saligan para sa iyong kaligtasan, upang ihanda ang daang tatahakin at lahat ng kinakailangang mga kondisyon para sa iyong kaligtasan. Kasunod nito, ibinabalik ng Diyos ang bawat tao sa harapan Niya, bawat isa sa isang tiyak na oras: Sa oras na iyon mo maririnig ang tinig ng Diyos; sa oras na iyon lalapit ka sa harapan Niya. Sa oras na mangyari ito, ang ilan ay naging magulang na rin mismo, samantalang ang iba ay anak pa rin ng iba. Sa madaling salita, may ilang tao ang nakapag-asawa at nagkaanak na samantalang ang iba ay nanatiling wala pa ring asawa, hindi pa nakapagsisimula ng kanilang sariling mga pamilya. Ngunit maging anuman ang mga sitwasyon ng mga tao, naitakda na ng Diyos ang mga panahon kung kailan ka mapipili at kung kailan makakaabot sa iyo ang Kanyang ebanghelyo at mga salita. Naitakda na ng Diyos ang mga kalagayan, napagpasiyahan na ang isang partikular na tao o ang isang partikular na konteksto na sa pamamagitan noon ay maipapasa ang ebanghelyo sa iyo, upang marinig mo ang mga salita ng Diyos. Naihanda na ng Diyos para sa iyo ang lahat ng kinakailangang mga kondisyon. Sa ganitong paraan, bagama’t hindi namamalayan ng tao na ito’y nangyayari, makakarating sa harapan Niya ang tao at makakabalik sa pamilya ng Diyos. Sumusunod rin sa Diyos ang tao nang hindi nito namamalayan at pumapasok sa bawat hakbang ng pamamaraan ng gawain ng Diyos na Kanyang inihanda para sa tao. Anu-anong uri ng mga pamamaraan ang ginagamit ng Diyos kapag gumagawa Siya ng mga bagay para sa tao sa panahong ito? Una, ang pinakamaliit sa lahat ay ang pag-aaruga at pangangalaga na tinatamasa ng tao. Bukod dito, itinatakda ng Diyos ang iba’t ibang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay upang makita ng tao ang Kanyang pag-iral at ang Kanyang mga gawa sa pamamagitan nila. Halimbawa, may ilang tao na naniniwala sa Diyos sapagkat may isang tao sa kanilang pamilya na may sakit. Kapag ipinangaral ang ebanghelyo sa kanila ng iba, nagsisimula silang maniwala sa Diyos, at ang paniniwalang ito sa Diyos ay nangyari dahil sa sitwasyon. Kaya sino ang nagsaayos ng sitwasyong ito? (Ang Diyos.) Sa pamamagitan ng karamdamang ito, may ilang pamilya kung saan lahat ay mananampalataya, habang may mga pamilya kung saan iilan lamang ang nananampalataya. Sa panlabas, tila ang isang tao sa iyong pamilya ay may karamdaman, ngunit ang totoo ito’y isang kalagayan na ipinagkaloob sa iyo upang ikaw ay lumapit sa Diyos—ito ang kabutihan ng Diyos. Dahil ang buhay may-pamilya ng ilang tao ay mahirap at hindi sila makahanap ng kapayapaan, ang isang pagkakataon ay dumarating—may isang taong magbabahagi ng ebanghelyo at nagsasabing, “Sumampalataya sa Panginoong Jesus at magkakaroon ka ng kapayapaan.” Hindi namamalayan, sila ay naniniwala sa Diyos sa ilalim ng likas na mga pangyayari, kung kaya’t hindi ba ito isang uri ng kondisyon? At hindi ba ang kawalan ng kapayapaan ng kanilang pamilya ay isang biyaya na ibinigay sa kanila ng Diyos? May ilan ding naniniwala sa Diyos dahil sa ibang mga kadahilanan. Mayroong iba’t ibang dahilan at iba’t ibang paraan ng paniniwala, ngunit anuman ang dahilan na nagdala sa iyo sa paniniwala sa Kanya, lahat ng ito ay talagang isinaayos at ginabayan ng Diyos. Sa una, ginagamit ng Diyos ang iba’t ibang paraan upang piliin ka at dalhin ka sa Kanyang pamilya. Ito ang biyaya ng Diyos na ipinagkakaloob sa bawat isang tao.

Sa kasalukuyang yugto ng gawain ng Diyos sa mga huling araw na ito, hindi na Niya basta iginagawad ang biyaya at mga pagpapala sa tao tulad ng ginawa Niya dati, ni sinusuyo Niya ang tao na sumulong. Sa yugtong ito ng gawain, ano ang nakita ng tao mula sa lahat ng aspeto ng gawain ng Diyos na naranasan nila? Nakita ng tao ang pag-ibig ng Diyos at ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Sa panahong ito, pinaglalaanan, sinusuportahan, nililiwanagan at ginagabayan ng Diyos ang tao, nang sa gayon ay unti-unti niyang nalalaman ang Kanyang mga intensyon, nalalaman ang mga salita na sinasabi Niya at ang katotohanang iginagawad Niya sa tao. Kapag ang tao ay nanghihina, kapag sila ay nasisiraan ng loob, kapag wala silang mabalingan, gagamitin ng Diyos ang Kanyang mga salita upang aliwin, payuhan at pasiglahin ang tao, upang ang mababang tayog ng tao ay unti-unting lumakas, tumaas ang pagkapositibo at maging handang makipagtulungan sa Diyos. Ngunit kapag sinusuway ng tao ang Diyos o nilalabanan Siya, o kapag ipinapakita ng tao ang kanilang katiwalian, hindi magpapakita ng awa ang Diyos sa pagtutuwid at sa pagdidisiplina sa tao. Ngunit magpapakita ang Diyos ng pagpaparaya at pagtitiyaga sa kahangalan, kamangmangan, kahinaan at pagiging kulang sa gulang ng tao. Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos para sa tao, ang tao ay unti-unting nagkakagulang, lumalago, at nalalaman ang mga intensyon ng Diyos, nalalaman ang ilang katotohanan, nalalaman kung aling mga bagay ang positibo at alin ang negatibo, nalalaman kung ano ang kasamaan at ano ang kadiliman. Ang Diyos ay hindi palaging nagtutuwid at nagdidisiplina ng tao sa isang paraan lamang, ni palaging nagpapakita ng pagpaparaya at pagtitiyaga. Sa halip, tinutustusan Niya ang bawat tao sa iba’t ibang paraan, sa kanilang magkakaibang kalagayan at ayon sa kanilang magkakaibang tayog at kakayahan. Ginagawa Niya ang maraming bagay para sa tao at nang may malaking sakripisyo; walang napapansin ang tao sa mga bagay na ito o sa sakripisyo, gayunman lahat ng ginagawa Niya sa realidad ay natutupad sa bawat isang tao. Ang pag-ibig ng Diyos ay praktikal: Sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, naiiwasan ng tao ang sunud-sunod na mga sakuna, habang paulit-ulit na ipinapakita ng Diyos ang Kanyang pagpapaubaya sa mga kahinaan ng tao. Ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay nagbibigay-daan upang unti-unting makilala ng mga tao ang katiwalian at satanikong diwa ng sangkatauhan. Iyong ipinagkakaloob ng Diyos, ang Kanyang pagbibigay kaliwanagan sa tao at ang Kanyang paggabay ay nagbibigay-daan sa sangkatauhan upang higit pa lalong makilala ang diwa ng katotohanan, at patuloy na malaman kung ano ang kinakailangan ng mga tao, kung anong daan ang dapat nilang tahakin, para sa ano ang kanilang pamumuhay, ang kahalagahan at kahulugan ng kanilang mga buhay, at kung paano lumakad sa daang tatahakin. Lahat ng bagay na ito na ginagawa ng Diyos ay hindi maihihiwalay mula sa Kanyang orihinal na layunin. Ano, kung gayon, ang layuning ito? Bakit ginagamit ng Diyos ang mga paraang ito upang isagawa ang Kanyang gawain sa tao? Anong resulta ang nais Niyang makamit? Sa madaling salita, ano ang nais Niyang makita sa tao? Ano ang nais Niyang makuha mula sa kanila? Ang nais na makita ng Diyos ay na maaaring mapasiglang muli ang puso ng tao. Ang mga paraang ito na ginagamit Niya upang gumawa sa tao ay isang patuloy na pagsisikap na gisingin ang puso ng tao, gisingin ang espiritu ng tao, bigyang-kakayahan ang tao na maunawaan kung saan sila nanggaling, sino ang gumagabay, sumusuporta, at nagkakaloob sa kanila, at kung sino ang nagpahintulot sa tao na mabuhay hanggang sa ngayon; ang mga ito ay paraan upang bigyang-kakayahan ang tao na maunawaan kung sino ang Lumikha, na Siyang dapat nilang sambahin, kung anong uri ng daan ang dapat nilang lakaran, at sa anong paraan dapat lumapit ang tao sa harapan ng Diyos; ang mga ito ay paraan upang unti-unting pasiglahin ang puso ng tao, upang makilala ng tao ang puso ng Diyos, maunawaan ang puso ng Diyos, at maintindihan ang matinding pangangalaga at paglingap na nasa likod ng Kanyang gawain na iligtas ang tao. Kapag napasigla na ang puso ng tao, hindi na niya nais pang mabuhay na may masama at tiwaling disposisyon, kundi sa halip ay nais hanapin ang katotohanan upang palugurin ang Diyos. Kapag ang puso ng tao ay nagising na, nakakaya na ng tao na ihiwalay ang kanilang sarili nang lubusan kay Satanas. Hindi na sila mapipinsala pa ni Satanas, hindi na muling kokontrolin o lilinlangin nito. Sa halip, ang tao ay maaaring maagap na makipagtulungan sa gawain ng Diyos at sa Kanyang mga salita upang bigyang-kasiyahan ang puso ng Diyos, sa gayon ay nakakamit ang pagkatakot sa Diyos at ang paglayo sa kasamaan. Ito ang orihinal na layunin ng gawain ng Diyos.

Pinadama sa bawat tao ng katatalakay lamang natin ngayon tungkol sa kasamaan ni Satanas na ang tao ay tila ba namumuhay nang napakalungkot at ang buhay ng tao ay puno ng kasawian. Ngunit ano ang pakiramdam ninyo ngayong tinatalakay Ko ang tungkol sa kabanalan ng Diyos at ang gawain na Kanyang isinasagawa sa tao? (Napakasaya.) Nakikita natin ngayon na lahat ng ginagawa ng Diyos, lahat ng Kanyang pinaghihirapang isaayos para sa tao ay busilak. Walang mali sa lahat ng ginagawa ng Diyos, nangangahulugang ito ay walang depekto, hindi nangangailangang iwasto, bigyang payo o gawan ng anumang pagbabago. Lahat ng ginagawa ng Diyos para sa bawat isang tao ay hindi mapag-aalinlanganan; inaakay Niya ang bawat isa, sinusubaybayan ka sa bawat sandali at kailanma’y hindi umalis sa iyong tabi. Habang ang mga tao ay lumalaki sa ganitong uri ng kapaligiran at sa ganitong uri ng karanasan, masasabi ba natin na ang mga tao sa katunayan ay lumalaki sa palad ng kamay ng Diyos? (Oo.) Kaya ngayon nakakadama pa ba kayo ng kawalan? Mayroon bang sinumang nakakaramdam pa ng panlulumo? Nadarama ba ng sinuman na tinalikdan ng Diyos ang sangkatauhan? (Hindi.) Kaya ano ba talaga kung gayon ang nagawa ng Diyos? (Binantayan Niya ang sangkatauhan.) Ang matinding paglingap at pangangalaga na nasa likod ng lahat ng ginagawa ng Diyos ay hindi mapagdududahan. Idagdag pa rito, habang isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang gawain, kailanman wala Siyang inilatag na anumang kondisyon. Hindi Niya kailanman hiningi sa sinuman sa inyo na malaman ang Kanyang isinasakripisyo para sa inyo, upang kayo ay makaramdam ng taos-pusong pasasalamat sa Kanya. Hiningi na ba ng Diyos ito sa inyo kailanman? (Hindi.) Sa mahabang kabuuan ng buhay ng tao, halos bawat isang tao ay nakasagupa na ng maraming mapanganib na sitwasyon at sumailalim na sa maraming tukso. Ito’y dahil si Satanas ay nandoon mismo sa tabi mo, ang mga mata nito ay palaging nakatuon sa iyo. Kapag ang kapahamakan ay dumarating sa iyo, nagagalak si Satanas dito, kapag sumasapit sa iyo ang mga kalamidad, kapag walang mabuting nangyayari sa iyo, kapag ikaw ay napupulupot sa sapot ni Satanas, tuwang-tuwa si Satanas sa mga bagay na ito. Tungkol naman sa ginagawa ng Diyos, palagi ka Niyang pinapangalagaan, inilalayo ka Niya sa sunud-sunod na kasawian at sa sunud-sunod na kapahamakan. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na lahat ng mayroon ang tao—kapayapaan at kasiyahan, mga pagpapala at personal na kaligtasan—sa totoo lang ay nasa ilalim lahat ng kontrol ng Diyos; ginagabayan Niya at pinagpapasiyahan ang kapalaran ng bawat isang tao. Subalit ang Diyos ba ay may napalaking kuru-kuro sa Kanyang posisyon, gaya ng sinasabi ng ilang tao? Sinasabi ba Niya sa iyo, “Ako ang pinakadakila sa lahat. Ako ang namamahala sa inyo. Kayong lahat ay dapat magmakaawa sa Akin, at ang pagsuway ay paparusahan ng kamatayan”? Tinakot na ba kailanman ng Diyos ang sangkatauhan sa ganitong paraan? (Hindi.) Kailanman ba’y sinabi Niya, “Ang sangkatauhan ay tiwali kaya hindi mahalaga kung paano Ko man sila tratuhin, anumang pagtrato ay maaari; hindi Ko kinakailangang isaayos nang maigi ang mga bagay para sa kanila”? Ganito ba mag-isip ang Diyos? Kumilos na ba ang Diyos sa ganitong paraan? (Hindi.) Bagkus, ang pagtrato ng Diyos sa bawat isang tao ay marubdob at responsable. Mas responsable pa kaysa sa pagtrato mo sa iyong sarili ang Kanyang pagtrato sa iyo. Hindi nga ba? Ang Diyos ay hindi basta na lang nagsasalita, ni hindi rin Niya ipinagmamalaki ang Kanyang mataas na kalagayan o pabirong nanloloko sa mga tao. Sa halip ginagawa Niya nang tapat at tahimik ang mga bagay na kinakailangan Niya Mismong gawin. Ang mga bagay na ito ay nagdudulot ng mga pagpapala, kapayapaan at kagalakan sa tao. Dinadala ng mga ito ang tao nang mapayapa at matiwasay sa paningin ng Diyos at sa Kanyang pamilya; pagkatapos ay nabubuhay sila sa harap ng Diyos at tinatanggap ang pagliligtas ng Diyos nang may normal na pangangatwiran at pag-iisip. Kaya ang Diyos ba kailanman ay naging mapanlinlang na sa tao sa Kanyang gawain? Nagpakita na ba Siya kailanman ng huwad na pagpapakita ng kabaitan, niloloko muna ang tao gamit ang ilang pagbati, pagkatapos ay tatalikuran Niya ito? (Hindi.) Kailanman ba’y nagsabi ang Diyos ng isang bagay at pagkatapos ay iba ang ginawa? Ang Diyos ba ay nagbigay kailanman ng hungkag na mga pangako at nagyabang, na sinasabi sa mga taong maaari Niyang gawin ito para sa kanila o tutulungan silang gawin iyon, at pagkatapos ay biglang nawala? (Hindi.) Walang panlilinlang sa Diyos, walang kasinungalingan. Ang Diyos ay tapat at lahat ng Kanyang ginagawa ay totoo. Siya lamang ang Isa na maaasahan ng tao; Siya ang Diyos na maaaring pagkatiwalaan ng mga tao ng kanilang mga buhay at ng lahat sa kanila. Dahil walang panlilinlang sa Diyos, masasabi ba natin na ang Diyos ang pinakadalisay? (Oo.) Mangyari pa! Bagaman ang salitang “dalisay” ay labis na mahina, labis na pantao kapag ginamit sa Diyos, ano pa ang ibang salita na maaari nating gamitin? Ganyan talaga ang mga limitasyon ng wika ng tao. Bagama’t hindi gaanong angkop na tawaging “dalisay” ang Diyos, pansamantala pa rin nating gagamitin ang salitang ito. Ang Diyos ay tapat at dalisay. Kaya ano ang ibig nating sabihin sa pagtalakay tungkol sa mga aspetong ito? Tinutukoy ba natin ang mga pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ng tao at ang mga pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ni Satanas? Oo, masasabi natin iyan. Ito ay sapagkat hindi makikita ng tao sa Diyos kahit ang isa mang bakas ng tiwaling disposisyon ni Satanas. Tama ba Ako sa pagsasabi nito? Amen? (Amen!) Walang anuman sa masamang disposisyon ni Satanas ang makikita sa Diyos. Lahat ng ginagawa at ibinubunyag ng Diyos ay lubos na kapaki-pakinabang at makakatulong sa tao, ganap na ginagawa upang maglaan para sa tao, puno ng buhay at nagbibigay sa tao ng isang daan na susundan at isang direksyon na tatahakin. Ang Diyos ay hindi tiwali at, bukod pa rito, kung titingnan ngayon ang lahat ng ginagawa ng Diyos, masasabi ba natin na ang Diyos ay banal? Dahil ang Diyos ay walang taglay na tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, ni anumang katulad sa satanikong diwa ng tiwaling sangkatauhan, mula sa pananaw na ito ay lubos nating masasabi na ang Diyos ay banal. Ang Diyos ay walang ipinapakitang anumang katiwalian, at kasabay nito habang gumagawa ang Diyos, inihahayag ng Diyos ang Kanyang sariling diwa, na ganap na nagpapatibay na ang Diyos Mismo ay banal. Nakikita ba ninyo ito? Upang makilala ang banal na diwa ng Diyos, tingnan natin ang dalawang aspetong ito sa ngayon: Una, walang bahid ng tiwaling disposisyon sa Diyos, at pangalawa, tinutulutan ng diwa ng gawain ng Diyos sa tao na makita ng tao ang sariling diwa ng Diyos at ang diwang ito ay lubos na positibo. Sapagkat ang mga bagay na idinudulot sa tao ng bawat bahagi ng gawain ng Diyos ay pawang positibo. Una sa lahat, hinihingi ng Diyos sa tao na maging tapat—hindi ba ito positibong bagay? Binibigyan ng Diyos ang tao ng karunungan—hindi ba ito positibo? Ipinauunawa ng Diyos sa tao ang pagkakaiba ng kabutihan sa kasamaan—hindi ba ito positibo? Binibigyang-daan Niya na maunawaan ng tao ang kahulugan at kahalagahan ng buhay ng tao—hindi ba ito positibo? Binibigyang-daan Niya ang tao na makita ang diwa ng mga tao, mga pangyayari, at mga bagay ayon sa katotohanan—hindi ba ito positibo? Ito ay positibo. At ang resulta ng lahat ng ito ay na hindi na nalilinlang ni Satanas ang tao, hindi na maipagpapatuloy pa na mapinsala o makontrol ni Satanas. Sa madaling salita, binibigyang-daan ng mga ito ang mga tao na ganap na palayain ang kanilang mga sarili mula sa pagtitiwali ni Satanas, at sa gayon ay unti-unting lumakad sa daan ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Gaano kalayo na ninyong nalakad ang landas na ito ngayon? Mahirap sabihin, hindi ba? Ngunit kahit paano mayroon na ba kayo ngayong paunang pagkaunawa kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang tao, kung aling mga bagay ang masama at aling mga bagay ang negatibo? Kahit paano nilalakaran na ninyo ngayon ang tamang landas sa buhay. Masasabi ba natin iyon? Oo, nang lubusan.

May isang bagay na kailangang ibahagi tungkol sa kabanalan ng Diyos. Batay sa lahat ng inyong narinig at natanggap, sino sa inyo ang makakapagsabi kung ano ang kabanalan ng Diyos? Ano ang tinutukoy ng kabanalan ng Diyos na sinasabi Ko? Pag-isipan ninyo ng isang saglit. Ang pagiging tapat ba ng Diyos ang Kanyang kabanalan? Ang katapatan ba ng Diyos ang Kanyang kabanalan? Ang pagiging hindi makasarili ba ng Diyos ang Kanyang kabanalan? Ito ba’y ang pagpapakumbaba Niya? Ang Kanyang pagmamahal para sa tao? Malayang ipinagkakaloob ng Diyos sa tao ang katotohanan at buhay—ito ba ang Kanyang kabanalan? Oo, ang lahat ng iyon. Lahat ng ito na ibinubunyag ng Diyos ay natatangi at hindi umiiral sa loob ng tiwaling sangkatauhan, ni makikita sa sangkatauhan. Walang makikita ni katiting na bakas nito sa proseso ng pagtitiwali ni Satanas sa tao, ni sa tiwaling disposisyon ni Satanas ni sa diwa o likas ni Satanas. Lahat ng kung anong mayroon at kung ano ang Diyos ay natatangi; tanging ang Diyos Mismo ang may ganitong uri ng diwa. Sa puntong ito ng ating pagtalakay, mayroon bang sinuman sa inyo ang nakakita ng sinumang mula sa sangkatauhan na kasingbanal ng Aking inilarawan? (Wala.) Kung gayo’y mayroon bang ganito kabanal sa mga idolo, bantog, o dakila sa sangkatauhan na inyong sinasamba? (Wala.) Kaya kapag sinasabi natin na ang kabanalan ng Diyos ay natatangi, ito ba’y pagpapalabis sa katotohanan? Talagang hindi nga. Bukod dito, mayroon ding praktikal na panig ang natatanging kabanalan ng Diyos. Mayroon bang anumang pagkakaiba sa pagitan ng kabanalan na tinatalakay Ko ngayon at sa kabanalan na dati ninyong inakala at naisip? (Oo.) Mayroong napakalaking pagkakaiba. Ano ang kadalasang ibig sabihin ng mga tao kapag pinag-uusapan nila ang tungkol sa kabanalan? (Ilang panlabas na asal.) Kapag sinasabi ng mga tao na ang asal o iba pang bagay ay banal, sinasabi lamang nila ito dahil nakikita nila ito na dalisay o masarap sa mga pandama. Gayunman, ang mga bagay na ito ay palaging kulang ng totoong diwa ng kabanalan—ito ang aspeto ng doktrina. Bukod dito, ano ang tinutukoy ng praktikal na aspeto ng kabanalan na iniisip ng mga tao? Ito ba ay iyong karaniwan nilang iniisip o hinahatulan na banal? Halimbawa, may ilang Budista ang namamatay habang nagsasagawa, lumilisan habang sila ay nakaupo doon na natutulog. May ilang tao ang nagsasabi na sila ay naging banal at lumipad na patungong langit. Ito rin ay produkto ng imahinasyon. Pagkatapos may ilan na nag-iisip na ang isang diwata na lumulutang pababa mula sa langit ay banal. Sa totoo lang, ang konsepto ng mga tao sa salitang “banal” ay palaging isang uri lamang ng walang lamang imahinasyon at teorya na walang totoong sangkap dito, at saka walang anumang kinalaman sa diwa ng kabanalan. Ang diwa ng kabanalan ay tunay na pag-ibig, ngunit higit pa rito, ito ay diwa ng katotohanan, katuwiran at liwanag. Ang salitang “banal” ay angkop lamang kapag ginagamit sa Diyos; walang anuman sa nilikha ang karapat-dapat na tawaging “banal.” Dapat itong maunawaan ng tao. Mula ngayon, gagamitin lamang natin ang salitang “banal” sa Diyos. Ito ba ay angkop? (Oo, ito ay angkop.)

Ang mga Panlalansi na Ginagamit ni Satanas Upang Gawing Tiwali ang Tao

Balikan natin ang pagtalakay tungkol sa kung anong mga paraan ang ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang tao. Tinalakay pa lamang natin ang tungkol sa iba’t ibang paraan kung saan gumagawa ang Diyos sa tao, na maaaring maranasan mismo ng bawat isa sa inyo, kaya hindi na Ako magdedetalye nang husto. Ngunit kayo marahil ay nalalabuan sa inyong mga puso tungkol sa mga paraan na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang tao, o sa pinakamaliit ay wala kayong tiyak na pag-unawa sa kanila. Kaya magiging kapaki-pakinabang ba sa inyo kung muli Akong magsasalita tungkol dito? Nais ba ninyong matutunan ito? May ilan sa inyo marahil ang magtatanong: “Bakit pag-uusapang muli si Satanas? Sa sandaling banggitin si Satanas, kami ay nagagalit, at kapag naririnig namin ang pangalan nito naaasiwa kami nang husto.” Naaasiwa man kayo, dapat ninyong harapin ang mga katotohanan. Ang mga bagay na ito ay dapat salitain nang tuwiran at linawin para sa kapakanan ng pagkaunawa ng tao; o hindi na makalalaya sa impluwensya ni Satanas ang tao.

Tinalakay na natin noong nakaraan ang limang paraan kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang tao, na kasama ang mga panlinlang ni Satanas. Ang mga paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang tao ay mababaw na suson lamang; higit na masama ang mga pandarayang nagtatago sa ilalim ng panlabas na anyong ito na ginagamit ni Satanas upang makamit ang mga layunin nito. Ano ang mga pandarayang ito? Lagumin ninyo ang mga ito. (Ito’y nandadaya, nang-aakit at nananakot.) Habang lalong mas marami ang naitatala ninyo, mas napapalapit kayo. Tila ba kayo ay napinsala nang husto ni Satanas at matindi ang inyong mga damdamin sa paksang ito. (Ito’y gumagamit din ng matamis na pananalita. Nang-iimpluwensya ito at sapilitang nananakop ng mga tao.) Sapilitang pananakop—ito ay nagbibigay ng isang masyadong matinding epekto. Ang mga tao ay natatakot sa sapilitang pananakop ni Satanas. Mayroon pa bang ibang pandaraya? (Marahas na pinipinsala nito ang mga tao, nananakot at nagbibigay ng mga mapang-akit na alok, at ito’y nagsisinungaling.) Ang pagsisinungaling ay isa sa mga bagay na ginagawa nito. Nagsisinungaling si Satanas upang dayain ka. Ano ang likas ng pagsisinungaling? Ang pagsisinungaling ba ay hindi kapareho ng pandaraya? Ang layunin ng pagsisinungaling sa totoo lang ay upang dayain ka. Mayroon pa bang ibang pandaraya? Sabihin ninyo sa Akin ang lahat ng alam ninyo. (Ito’y nanunukso, namiminsala, nambubulag at nanlilinlang.) Magkakapareho ang inyong damdamin tungkol sa panlilinlang na ito. Ano pa ba? (Kinokontrol nito ang tao, hinahawakan ang tao, tinatakot nang husto ang tao at pinipigilan ang tao na maniwala sa Diyos.) Alam Ko ang pangkalahatang kahulugan ng mga bagay na inyong sinasabi sa Akin at ito ay magaganda. Lahat kayo ay may nalalaman tungkol dito, kaya’t lagumin natin ang mga pandarayang ito ngayon.

May anim na pangunahing mga pandaraya na ginagamit ni Satanas Upang gawing tiwali ang tao

Ang una ay kontrol at pamumuwersa. Iyon ay, gagawin ni Satanas ang lahat ng maaaring gawin upang kontrolin ang iyong puso. Ano ang ibig sabihin ng “pamumuwersa”? Nangangahulugan ito ng paggamit ng pagbabanta at sapilitang taktika upang pilitin kang sumunod dito, na pinag-iisip ka sa mga maaaring mangyari kung hindi ka susunod. Natatakot ka at hindi nangangahas na salungatin ito, kaya nagpapasakop ka rito.

Ang ikalawa ay ang pandaraya at panlalansi. Ano ang kaakibat ng “pandaraya at panlalansi”? Bumubuo si Satanas ng ilang kuwento at mga kasinungalingan, na nilalansi ka na paniwalaan ang mga ito. Kailanman hindi nito sinasabi sa iyo na ang tao ay nilikha ng Diyos, ngunit hindi rin nito direktang sinasabi na ikaw ay hindi ginawa ng Diyos. Hindi nito ginagamit ang salitang “Diyos” sa anumang paraan, ngunit sa halip ay gumagamit ng iba pang bagay bilang kahalili, na ginagamit ang bagay na ito upang linlangin ka nang sa gayon ay wala kang ideya sa pag-iral ng Diyos. Siyempre, kasama ng panlalansi ang maraming aspeto, hindi lamang ang isang ito.

Ang ikatlo ay ang sapilitang pagdoktrina. Ano ang sapilitang itinuturo sa mga tao? Ang sapilitang pagdoktrina ay ginagawa ba sa sariling kagustuhan ng tao? Ginagawa ba ito nang may pahintulot ng tao? Talagang hindi. Kahit hindi ka pumayag, wala ka nang magagawa. Nadodoktrinahan ka ni Satanas nang hindi mo namamalayan, na ikinikintal sa iyo ang pag-iisip nito, mga patakaran sa buhay nito at ang diwa nito.

Ang ikaapat ay ang mga pagbabanta at mga pang-aakit. Iyon ay, ginagamit ni Satanas ang iba’t ibang mga pandaya upang iyong tanggapin ito, sundin ito, gumawa sa paglilingkod dito. Gagawin nito ang lahat upang makamit ang mga layunin nito. Minsan nagbibigay ito ng maliliit na pabor sa iyo, samantalang inaakit ka nito na magkasala. Kung hindi mo susundin ito, pahihirapan ka nito at parurusahan ka, at gagamit ito ng iba’t ibang paraan upang salakayin ka at magpakana laban sa iyo.

Ang ikalima ay panlilinlang at pagkaparalisa. Ang “panlilinlang at pagkaparalisa” ay kapag nagkikintal si Satanas sa mga tao ng ilang salitang masarap pakinggan at mga ideya na naaangkop sa kanilang mga haka-haka at tila makatwiran, upang palabasin na parang isinasaalang-alang nito ang pisikal na kalagayan ng kanilang mga buhay at mga kinabukasan, gayong ang totoo ito ay tanging layunin nito na linlangin ka. Pagkatapos ay pinaparalisa ka nito upang hindi mo malaman kung ano ang tama at ano ang mali, sa gayon ikaw ay nalinlang nang hindi mo nalalaman at sasailalim sa kontrol nito.

Ang ikaanim ay ang pagkawasak ng katawan at isip. Aling bahagi ng tao ang winawasak ni Satanas? Winawasak ni Satanas ang iyong isip, inaalisan ka ng kakayahang tumutol, na nangangahulugan na ang iyong puso ay dahan-dahang bumabaling kay Satanas nang hindi mo inaasahan. Ikinikintal nito ang mga bagay na ito sa iyo araw-araw, araw-araw na ginagamit ang mga ideya at mga kulturang ito upang impluwensyahan at linangin ka, na dahan-dahang sinisira ka, upang huwag mo nang gustuhing maging isang mabuting tao, upang huwag mo nang naising manindigan para sa tinatawag mong katuwiran. Hindi mo namamalayan, wala ka nang taglay na pagpupursiging lumangoy laban sa agos, sa halip ay magpapatianod na lang dito. Ang “pagkawasak” ay nangangahulugan na labis na pinapahirapan ni Satanas ang mga tao kaya nagiging mga anino na lamang sila ng kanilang sarili, hindi na tao. Dito tumitira si Satanas, sinasakmal at nilalamon sila.

Bawat isa sa mga pandaraya na ito na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang tao ay makapagtatanggal ng kapangyarihan sa tao na lumaban; alinman sa mga ito ay nakamamatay sa mga tao. Sa madaling salita, anuman ang ginagawa ni Satanas at anuman ang pandaraya na ginagamit nito ay makakapagpahina sa iyo, makakapagdala sa iyo sa ilalim ng kontrol ni Satanas at makakapagpapalubog sa iyo sa isang kumunoy ng kasamaan at kasalanan. Ito ang mga pandaraya na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang tao.

Masasabi natin na si Satanas ay masama, ngunit upang pagtibayin ito, dapat pa rin nating tingnan kung anu-ano ang mga kahihinatnan ng pagtitiwali ni Satanas sa tao at aling mga disposisyon at mga diwa ang dinadala nito sa tao. Alam ninyong lahat ang ilan sa mga ito, kaya magsalita kayo tungkol dito. Ano ang mga kahihinatnan ng pagtitiwali ni Satanas sa mga tao? Aling mga tiwaling disposisyon ang ipinapahayag at ibinubunyag ng mga ito? (Kayabangan at pagmamalaki, pagka-makasarili at pagiging kasuklam-suklam, kabuktutan at panlilinlang, katusuan at pagka-malisyoso, at ganap na kawalang pagkatao.) Sa kabuuan, masasabi natin na ang mga ito ay walang pagkatao. Ngayon, hayaan natin ang ibang mga kapatid na magsalita. (Kapag ang tao ay nagawang tiwali ni Satanas, sila ay karaniwang mapagmataas at mapagmagaling, mapagpahalaga sa sarili at palalo, sakim at makasarili. Ang mga ito ang nararamdaman kong pinakamalalalang isyu.) (Pagkatapos nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, sila’y walang-pakundangang kumikilos upang magkamit ng mga materyal na bagay at kayamanan. At nagiging palaban pa sila sa Diyos, tumututol sa Diyos, sinusuway ang Diyos, at naiwawala nila ang konsiyensya at katuwiran na dapat taglayin ng tao.) Ang lahat ng sinabi ninyo ay talagang magkakapareho bagama’t may maliit na mga pagkakaiba; ang ilan sa inyo ay may idinagdag lang na maliliit na detalye. Bilang pagbubuod, ang mga bagay na higit na namumukod-tangi tungkol sa tiwaling sangkatauhan ay kayabangan, panlilinlang, pagka-malisyoso, at pagkamakasarili. Gayunman, nakaligtaan ninyong lahat ang isang bagay. Ang mga tao ay walang konsiyensya, nawala na ang kanilang katuwiran at walang silang pagkatao—gayunman mayroon pang isang napakahalagang bagay na hindi ninyo nabanggit, iyon ay “pagtataksil.” Ang pangwakas na kahihinatnan ng mga disposisyong ito na umiiral sa sinumang tao sa sandaling sila ay nagawang tiwali ni Satanas ay ang kanilang pagtataksil sa Diyos. Anuman ang sabihin ng Diyos sa mga tao o kung anumang gawain ang ginagampanan Niya sa kanila, hindi nila sinusunod iyong nalalaman nila na katotohanan. Ibig sabihin, hindi na nila kinikilala ang Diyos at pinagtataksilan Siya: ito ang kahihinatnan ng pagtitiwali ni Satanas sa tao. Ito ay katulad ng lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Sa mga paraan na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang tao—ang kaalamang natututuhan ng tao, ang siyensyang nalalaman nila, ang kanilang pagkaunawa sa mga pamahiin at tradisyunal na mga kultura, gayundin ang mga kalakarang panlipunan—mayroon bang anumang magagamit ng tao upang masabi kung alin ang matuwid at alin ang hindi matuwid? Mayroon bang anumang bagay na makakatulong sa tao upang malaman kung ano ang banal at ano ang masama? Mayroon bang anumang mga pamantayan na magagamit na panukat sa mga bagay na ito? (Wala.) Walang mga pamantayan at walang saligan na makakatulong sa tao. Kahit na alam ng mga tao ang salitang “banal,” walang sinuman ang talagang nakakaalam kung ano ang banal. Kaya maaari bang makatulong ang mga bagay na ito na dinadala ni Satanas sa tao upang malaman nila ang katotohanan? Matutulungan ba ng mga ito ang tao na mamuhay na may karagdagang pagkatao? Matutulungan ba ng mga ito ang tao na mabuhay sa paraang lalo nilang masasamba ang Diyos? (Hindi.) Malinaw naman na hindi nila matutulungan ang tao na sumamba sa Diyos o maunawaan ang katotohanan, ni matutulungan ang taong malaman kung ano ang kabanalan at kasamaan. Sa kabaligtaran, ang tao ay lalong nagiging pasama nang pasama, na palayo nang palayo sa Diyos. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi natin na si Satanas ay masama. Pagkatapos himayin ang malaking bahagi ng masamang diwa ni Satanas, may nakita ba kayong anumang elemento ng kabanalan kay Satanas, maging sa diwa nito o sa inyong pagkaunawa sa diwa nito? (Wala.) Tiyak iyon. Kung gayon may nakita ba kayo na anumang aspeto ng likas ni Satanas na may anumang pagkakahawig sa Diyos? (Wala.) Mayroon bang pagkakahawig sa Diyos ang anumang pahayag ni Satanas? (Wala.) Kaya ngayon nais Ko kayong tanungin: Gamit ang inyong sariling mga salita, ano ba talaga ang kabanalan ng Diyos? Una sa lahat, sa ano sinasabing may kaugnayan ang mga salitang “kabanalan ng Diyos”? Ito ba ay sinasabing may kaugnayan sa diwa ng Diyos? O ito ba’y sinasabing may kaugnayan sa ilang aspeto ng Kanyang disposisyon? (Ito ay sinasabing may kaugnayan sa diwa ng Diyos.) Dapat nating kilalaning mabuti ang isang panghahawakan upang makalapit sa ninanais nating paksa. Sinasabi ang mga salitang ito na may kaugnayan sa diwa ng Diyos. Una sa lahat, ginamit natin ang kasamaan ni Satanas bilang hambingan sa diwa ng Diyos, kung gayon, nakita ba ninyo ang anumang diwa ni Satanas sa Diyos? Paano naman ang anumang diwa ng sangkatauhan? (Hindi, wala kaming nakita. Ang Diyos ay hindi mapagmataas, hindi makasarili at hindi nagtataksil, at mula rito nakikita namin ang banal na diwa ng Diyos ay naibubunyag.) Mayroon pa bang ibang idadagdag? (Ang Diyos ay walang bakas ng tiwaling disposisyon ni Satanas. Ang taglay ni Satanas ay ganap na negatibo, samantalang walang anumang taglay ang Diyos kundi positibo. Makikita natin na mula nang tayo ay musmos pa hanggang sa ngayon, lalo na sa mga pagkakataong naligaw tayo ng landas, palaging nasa tabi natin ang Diyos, binabantayan tayo at pinananatiling ligtas. Walang panlilinlang sa Diyos, walang pandaraya. Malinaw at payak Siyang mangusap, at ito rin ang tunay na diwa ng Diyos.) Napakagaling! (Wala tayong makikitang tiwaling disposisyon ni Satanas sa Diyos, walang panloloko, walang pagmamayabang, walang hungkag na mga pangako at walang panlilinlang. Ang Diyos ang tanging mapapaniwalaan ng tao. Ang Diyos ay tapat at taos-puso. Mula sa gawain ng Diyos, makikita natin ang Diyos na nagsasabi sa mga tao na maging tapat, nagbibigay sa kanila ng karunungan, ginagawa silang may kakayanang makita ang kaibahan ng mabuti sa masama at magkaroon ng pagkakilala sa iba’t ibang tao, mga pangyayari, at mga bagay. Sa ganito makikita natin ang kabanalan ng Diyos.) Natapos na ba kayo? Nasisiyahan ba kayo sa mga sinabi ninyo? Gaano ba talaga kalawak ang pagkaunawa sa Diyos na nasa inyong mga puso? At gaano ninyo nauunawaan ang kabanalan ng Diyos? Alam Ko na ang bawat isa sa inyo ay nagtataglay sa inyong puso ng ilang antas ng kakayahan sa pagkaunawa, sapagkat mararamdaman ng bawat isang tao ang gawain ng Diyos sa kanila at, sa iba’t ibang antas, nakakamit nila ang maraming bagay mula sa Diyos; biyaya at mga pagpapala, pagkaunawa at kaliwanagan, at paghatol at pagkastigo ng Diyos, at dahil sa mga bagay na ito, ang tao ay nagkakaroon ng ilang simpleng pagkaunawa sa diwa ng Diyos.

Bagama’t ang kabanalan ng Diyos na ating tinatalakay ngayon ay tila kakaiba sa karamihan ng mga tao, sa kabila nito, nasimulan na natin ang paksang ito, at magkakaroon kayo ng mas malalim na pagkaunawa habang tinatahak ninyo ang landas na naghihintay. Hinihingi nito na unti-unti ninyong maramdaman at maunawaan sa panahon ng inyong sariling karanasan. Ngayon ang inyong pagkaunawa sa diwa ng Diyos na nakabase sa inyong nakikita ay nangangailangan pa rin ng mahabang panahon upang matutunan, upang pagtibayin, upang maramdaman at maranasan ito, hanggang sa isang araw, mauunawaan ninyo, mula sa kaibuturan ng inyong puso, na “ang kabanalan ng Diyos” ay nangangahulugan na ang diwa ng Diyos ay walang kapintasan, na ang pagmamahal ng Diyos ay mapagparaya, na lahat ng ibinibigay ng Diyos sa tao ay mapagparaya, at makikilala mo na ang kabanalan ng Diyos ay walang dungis at di-mapupulaan. Ang mga aspetong ito ng diwa ng Diyos ay hindi lamang ang mga salita na ginagamit Niya upang ipagmalaki ang Kanyang pagkakakilanlan, sa halip ginagamit ng Diyos ang Kanyang diwa upang pakitunguhan nang lihim at tapat ang bawat isang tao. Sa madaling salita, ang diwa ng Diyos ay hindi hungkag, ni hindi rin ito panteorya o pangdoktrina at tiyak na hindi isang uri ng kaalaman. Hindi ito isang uri ng edukasyon para sa tao; sa halip ay siyang tunay na pahayag ng sariling mga kilos ng Diyos at ang ibinunyag na diwa kung anong mayroon at kung ano ang Diyos. Dapat kilalanin ng tao ang diwang ito at unawain ito, dahil lahat ng ginagawa ng Diyos at bawat salita na Kanyang sinasabi ay may malaking kahalagahan at malaking kabuluhan sa bawat isang tao. Kapag naunawaan mo ang kabanalan ng Diyos, magagawa mo na talagang maniwala sa Diyos; kapag naunawaan mo ang kabanalan ng Diyos, makikilala mo talaga ang totoong kahulugan ng mga salitang “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi.” Hindi ka na mag-iisip na may ibang mga daan maliban dito na maaari mong piliing lakaran, at hindi ka na handang pagtaksilan ang lahat ng bagay na isinaayos ng Diyos para sa iyo. Sapagkat ang diwa ng Diyos ay banal, nangangahulugan iyon na tanging sa pamamagitan ng Diyos makalalakad ka sa buhay sa makatuwirang daan ng liwanag; tanging sa pamamagitan ng Diyos mo malalaman ang kahulugan ng buhay, tanging sa pamamagitan ng Diyos na maisasabuhay mo ang totoong pagkatao at taglayin at makilala ang katotohanan. Tanging sa pamamagitan lamang ng Diyos maaari mong matanggap ang buhay mula sa katotohanan. Tanging ang Diyos Mismo ang makakatulong sa iyo na layuan ang kasamaan at iadya ka mula sa kapinsalaan at kontrol ni Satanas. Maliban sa Diyos, walang sinuman at walang anuman ang makakapagligtas sa iyo mula sa dagat ng paghihirap upang hindi ka na magdusa. Ito ay pinagpapasiyahan ng diwa ng Diyos. Tanging ang Diyos Mismo ang magliligtas sa iyo nang walang pag-iimbot, tanging ang Diyos ang responsable sa bandang huli para sa iyong kinabukasan, para sa iyong tadhana at para sa iyong buhay, at isinasaayos Niya ang lahat ng bagay para sa iyo. Ito ay isang bagay na hindi matatamo ng nilalang o di-nilalang. Sapagkat walang nilalang o di-nilalang ang nagtataglay ng diwa ng Diyos, walang tao o bagay ang may kakayahan na iligtas ka o akayin ka. Ito ang kahalagahan ng diwa ng Diyos sa tao. Nararamdaman ninyo marahil na ang mga salitang ito na nasabi Ko ay nakatutulong kahit kaunti sa prinsipyo. Subalit kung hahanapin mo ang katotohanan, kung minamahal mo ang katotohanan, mararanasan mo kung papaano hindi lamang babaguhin ng mga salitang ito ang iyong tadhana, ngunit higit pa rito dadalhin ka nila sa tamang daan ng buhay. Nauunawaan mo ito, hindi ba? Kaya ngayon mayroon ba kayong kaunting interes na malaman ang diwa ng Diyos? (Oo.) Mabuti na kayo’y interesado. Tatapusin natin dito ang pagtalakay sa ating paksa ngayon sa pag-alam ng kabanalan ng Diyos.

***

Gusto Kong talakayin sa inyo ang tungkol sa isang bagay na inyong ginawa na nakasorpresa sa Akin sa simula ng ating pagtitipon ngayon. Ang ilan sa inyo marahil ay nagkikimkim ng diwa ng pasasalamat, marahil kayo’y nakakaramdam ng pasasalamat, at sa gayon ay nais ninyong ipahayag nang pisikal kung ano ang nararamdaman ninyo. Ang ginawa ninyo’y hindi nangangailangang mapulaan; ito’y hindi tama ni mali. Ngunit gusto Kong maunawaan ninyo ang isang bagay. Ano ito? Una, nais Ko kayong tanungin tungkol sa ginawa ninyo ngayon lamang. Ito ba ay pagpapatirapa o pagluhod upang sumamba? May makakapagsabi ba sa Akin? (Naniniwala kami na ito ay pagpapatirapa.) Naniniwala kayo na ito ay pagpapatirapa, kung gayon, ano ang kahulugan ng pagpapatirapa? (Pagsamba.) Ano naman ang pagluhod upang sumamba? Hindi pa Ako nagbahagi sa inyo tungkol dito, ngunit sa araw na ito nararamdaman Ko na kinakailangan Kong ibahagi ang paksang ito sa inyo. Nagpapatirapa ba kayo sa inyong karaniwang mga pagtitipon? (Hindi.) Nagpapatirapa ba kayo kapag kayo ay nananalangin? (Oo.) Nagpapatirapa ba kayo sa bawat oras na kayo ay nananalangin, kapag itinutulot ng mga kondisyon? (Oo.) Iyan ay mabuti. Subalit ang nais Kong maunawaan ninyo ngayon ay tinatanggap lamang ng Diyos ang pagluhod ng dalawang uri ng mga tao. Hindi natin kailangang konsultahin ang Bibliya o ang mga pag-uugali at gawa ninumang espirituwal na karakter. Sa halip, sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na totoo dito at ngayon. Una, ang pagpapatirapa at pagluhod sa pagsamba ay hindi magkapareho. Bakit tinatanggap ng Diyos ang mga pagluhod ng mga taong ipinapatirapa ang kanilang mga sarili? Ito ay dahil sa tinatawag ng Diyos ang isang tao papalapit sa Kanya at inaatasan ang taong ito na tanggapin ang tagubilin ng Diyos, kaya papahintulutan siya ng Diyos na magpatirapa siya sa harap Niya. Ito ang unang uri ng tao. Ang ikalawang uri ay ang pagluhod upang sumamba ng isang tao na natatakot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan. Mayroon lamang nitong dalawang uri ng tao. Kaya sa aling uri kayo nabibilang? Masasabi ba ninyo? Ito ay katotohanan, bagama’t maaaring masaktan nang kaunti ang inyong mga damdamin. Walang masasabi tungkol sa mga pagluhod ng mga tao sa panahon ng pananalangin—ito ay tama tulad ng nararapat, sapagkat kapag nananalangin ang mga tao kadalasang ito ay pananalangin para sa isang bagay, pagbubukas ng kanilang mga puso sa Diyos at pagharap sa Kanya. Ito ay pakikipagtalastasan at pakikipagpalitan, puso sa puso sa Diyos. Ang pagsamba habang nakaluhod ay hindi dapat maging pormalidad lamang. Hindi Ko sinasadya na sisihin kayo para sa inyong ginawa ngayon. Nais Ko lamang linawin ito sa inyo upang inyong maunawaan ang prinsipyong ito, alam ninyo ito, hindi ba? (Oo, alam namin.) Sinasabi ko ito upang hindi na ito mangyari pang muli. Ang mga tao ba kung gayon ay may anumang pagkakataon na magpatirapa at lumuhod sa harapan ng Diyos? Hindi dahil hindi na magkakaroon ng ganitong pagkakataon. Hindi magtatagal darating ang araw, ngunit ang panahon ay hindi ngayon. Nakikita ba ninyo? Pinalulungkot ba kayo nito? (Hindi.) Mabuti iyan. Marahil ang mga salitang ito ay uudyok o pupukaw sa inyo upang malaman ninyo sa inyong puso ang kasalukuyang kalagayan sa pagitan ng Diyos at tao at kung anong uri ng ugnayan ang umiiral ngayon sa pagitan ng Diyos at ng tao. Bagaman napag-usapan na natin kamakailan lamang at nakapagpalitan na nang maigi, ang pagkakaunawa ng tao sa Diyos ay malayo pa rin sa sapat. Napakalayo pa ng lalakbayin ng tao sa daang ito ng paghahangad na maunawaan ang Diyos. Hindi Ko intensyon na pilitin kayong gawin ito nang mabilisan, o magmadali na ipahayag ang mga uring ito ng mga hangarin o mga damdamin. Ang ginawa ninyo ngayon ay maaaring maghayag at magbunyag ng inyong tunay na mga damdamin, at nahahalata Ko iyon. Kaya habang ginagawa ninyo ito, ninais Kong tumayo na lang at ibigay sa inyo ang Aking mabuting mga pagbati, sapagkat nais Kong maging mabuti ang kalagayan ninyong lahat. Kaya ginagawa Ko ang Aking makakaya sa bawat salita Ko at sa bawat pagkilos upang matulungan kayo, gabayan kayo, nang sa gayon magkakaroon kayo ng tamang pagkaunawa at tamang pananaw sa lahat ng bagay. Nauunawaan ninyo ito, tama? (Oo.) Magaling. Bagaman ang mga tao ay may ilang pagkaunawa sa iba’t ibang disposisyon ng Diyos, ang mga aspeto kung anong mayroon at kung ano ang Diyos at ang ginagawang gawain ng Diyos, ang karamihan sa pagkaunawang ito ay hindi lalampas sa pagbabasa ng mga salita sa isang pahina, o inuunawa ang mga ito sa prinsipyo, o iniisip lamang ang tungkol sa mga ito. Ang pinakakulang sa mga tao ay ang totoong pagkaunawa at pananaw na nagmumula sa totoong karanasan. Kahit na gumagamit ang Diyos ng iba’t ibang paraan upang gisingin ang puso ng mga tao, mahaba pa ang lalakbayin bago ito magampanan. Ayaw Kong makita ang sinuman na nagdaramdam na tila ba iniwan silang nag-iisa ng Diyos, na pinabayaan sila ng Diyos o tinalikuran Niya sila. Nais Ko lamang makita na lahat ay nasa daan upang hanapin ang katotohanan at naghahangad na maunawaan ang Diyos, matapang na nagpapatuloy sa paglalakad na may matibay na kalooban, na walang mga pangamba, walang dinadalang mga pasanin. Maging anumang mga kamalian ang nagawa mo, gaano man kalayo kang naligaw o gaano ka man lumabag, huwag hayaan ang mga ito na maging mga pasanin o dagdag na pabigat na dadalhin mo sa iyong paghahangad na maunawaan ang Diyos: Ipagpatuloy mo ang paglalakad nang pasulong. Sa lahat ng panahon, hawak ng Diyos ang kaligtasan ng tao sa Kanyang puso; hindi ito kailanman nagbabago: Ito ang pinakamahalagang bahagi ng diwa ng Diyos. Mas mabuti na ba ang pakiramdam ninyo ngayon? (Oo.) Inaasahan Kong makukuha ninyo ang tamang pakikitungo sa lahat ng bagay at sa mga salita na Aking nasabi. Tapusin na natin ang pagbabahaging ito rito. Paalam!

Enero 11, 2014

Sinundan: Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V

Sumunod: Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VII

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito