Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V

Ang Kabanalan ng Diyos (II)

Ngayong araw, mga kapatid, umawit tayo ng isang himno. Humanap ng gusto ninyo at palagi ninyong kinakanta. (Aawitin natin ang himno Blg. 760 ng mga salita ng Diyos, “Dalisay na Pagmamahal na Walang Dungis.”)

1  Ang “pagmamahal,” ay tumutukoy sa isang damdaming dalisay at walang dungis, kung saan ginagamit mo ang iyong puso para magmahal, makaramdam, at maging maalalahanin. Sa pagmamahal walang mga kundisyon, walang mga balakid, at walang distansya. Sa pagmamahal walang paghihinala, walang panlilinlang, at walang katusuhan. Sa pagmamahal walang humihingi ng kapalit at walang karumihan. Kung nagmamahal ka, hindi ka manlilinlang, magrereklamo, magtataksil, susuway, maniningil, o maghahangad na magtamo ng isang bagay o ng isang partikular na halaga.

2  Ang “pagmamahal,” ay tumutukoy sa isang damdaming dalisay at walang dungis, kung saan ginagamit mo ang iyong puso para magmahal, makaramdam, at maging maalalahanin. Sa pagmamahal walang mga kundisyon, walang mga balakid, at walang distansya. Sa pagmamahal walang paghihinala, walang panlilinlang, at walang katusuhan. Sa pagmamahal walang humihingi ng kapalit at walang karumihan. Kung nagmamahal ka, masaya mong ilalaan ang iyong sarili, masaya mong titiisin ang hirap, makakasundo mo Ako, tatalikdan mo ang lahat ng mayroon ka para sa Akin, tatalikdan mo ang iyong pamilya, ang iyong kinabukasan, ang iyong kabataan, at ang iyong pag-aasawa. Kung hindi, ang iyong pagmamahal ay hindi talaga pagmamahal, kundi panlilinlang at pagtataksil!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang

Magandang himno itong napili ninyo. Nasisiyahan ba kayo sa pagkanta nito? Ano ang inyong nararamdaman matapos kantahin ito? Nararamdaman ba ninyo ang ganitong uri ng pagmamahal sa inyong kalooban? (Hindi pa.) Aling mga salita nito ang pumupukaw sa iyo nang pinakamatindi? (“Sa pagmamahal walang mga kundisyon, walang mga balakid, at walang distansya. Sa pagmamahal walang paghihinala, walang panlilinlang, at walang katusuhan. Sa pagmamahal walang humihingi ng kapalit at walang karumihan.” Ngunit sa kaibuturan ko ay nakikita ko pa rin ang maraming karumihan, at marami sa aking mga bahagi na sumusubok na makipagkasunduan sa Diyos. Hindi ko pa talaga naabot ang uri ng pagmamahal na dalisay at walang dungis.) Kung hindi mo naaabot ang pagmamahal na dalisay at walang dungis, anong antas ng pagmamahal ang mayroon ka? (Nasa yugto lamang ako kung saan ako ay nakahandang maghanap, kung saan ako ay nananabik.) Ayon sa iyong sariling tayog at nagsasalita mula sa iyong sariling karanasan, anong antas ang iyong naabot? Mayroon ka bang panlilinlang? Mayroon ka bang mga reklamo? Mayroon ka bang mga pangangailangan sa kaibuturan ng iyong puso? Mayroon bang mga bagay na gusto at hinahangad mo mula sa Diyos? (Oo, mayroon ako nitong maruruming bagay sa loob ko.) Sa anong mga pagkakataon lumalabas ang mga ito? (Kapag ang sitwasyon na isinaayos ng Diyos para sa akin ay hindi tumutugma sa aking mga kuru-kuro, o kapag ang aking mga hinahangad ay hindi naabot, sa mga pagkakataong gaya nito, naibubunyag ko ang ganitong uri ng tiwaling disposisyon.) Kayong mga kapatid na mula sa Taiwan, madalas niyo rin bang awitin ang himnong ito? Maaari ba kayong magsalita nang kaunti kung paano ninyo naiintindihan ang “dalisay na pagmamahal na walang dungis”? Bakit binibigyang-kahulugan ng Diyos ang pagmamahal sa ganitong paraan? (Gustung-gusto ko ang himnong ito dahil makikita ko rito na ang pagmamahal na ito ay isang ganap na pagmamahal. Gayunpaman, malayo pa ako sa pag-abot sa pamantayang iyon, at napakalayo ko pa rin sa pagtamo ng tunay na pagmamahal. Nagawa ko nang sumulong sa ilang bagay, at makipagtulungan sa pamamagitan ng lakas na ibinibigay sa akin ng Kanyang mga salita at sa pamamagitan ng pananalangin. Gayunpaman, kapag nahaharap ako sa ilang pagsubok o paghahayag, nararamdaman kong wala akong kinabukasan o kapalaran, na wala akong hantungan. Sa gayong mga pagkakataon, nakararamdam ako ng labis na panghihina, at madalas akong nababagabag ng isyung ito.) Ano ba ang talagang tinutukoy mo kapag sinasabi mong “kinabukasan at kapalaran”? Mayroon ka bang tinutukoy na isang partikular na bagay? Ito ba ay isang larawan o isang bagay na nasa imahinasyon mo, o nakikita mo ba talaga ang iyong kinabukasan at kapalaran? Ito ba ay tunay na bagay? Nais Ko na ang bawat isa sa inyo ay isipin ito: Ano ang tinutukoy ng inyong pag-aalala para sa inyong kinabukasan at kapalaran? (Ito ay upang maligtas para mabuhay ako.) Kayong iba pang mga kapatid, nagsasalita kayo nang kaunti tungkol sa inyong pagkaunawa sa “dalisay na pagmamahal na walang dungis.” (Kapag mayroon ang isang tao nito, walang karumihang nagmumula sa kani-kanilang mga sarili, at hindi sila nakokontrol ng kanilang kinabukasan at kapalaran. Paano man sila tinatrato ng Diyos, kaya nilang sumunod nang lubusan sa gawain ng Diyos at sa Kanyang mga pangangasiwa, at sundin Siya hanggang sa katapusan. Ang ganitong uri lamang ng pagmamahal para sa Diyos ang dalisay at walang dungis na pagmamahal. Nang ikinumpara ko ang aking sarili rito, natuklasan ko na bagama’t ako ay tila gumugol ng aking sarili o nagsakripisyo ng ilang bagay sa huling ilang taon ng pananampalataya sa Diyos, hindi ko nakayanang tunay na ibigay ang aking puso sa Kanya. Kapag inilalantad ako ng Diyos, pakiramdam ko ay parang hindi ako maliligtas, at nananahan ako sa negatibong kalagayan. Nakikita ko ang aking sarili na ginagampanan ang aking tungkulin, ngunit kasabay nito ay sumusubok akong gumawa ng mga kasunduan sa Diyos, hindi ko nagagawang mahalin ang Diyos nang buong puso, at ang aking hantungan, ang aking kinabukasan, at ang aking kapalaran ay laging nasa aking isip.) Tila nagkaroon kayo ng kaunting pagkaunawa tungkol sa himnong ito, at nakagawa kayo ng ilang pag-uugnay sa pagitan nito at ng inyong aktuwal na karanasan. Gayunpaman, mayroon kayong iba’t ibang antas ng pagtanggap sa bawat isa sa mga parirala sa himnong “Dalisay na Pagmamahal na Walang Dungis.” Iniisip ng ilan na tungkol ito sa bukal sa loob na paggawa, ang ilan ay naghahangad na isantabi ang kanilang kinabukasan, ang ilan ay naghahangad na iwanan ang kanilang mga pamilya, at ang ilan ay hindi naghahangad na makatanggap ng anuman. Ang iba naman ay pinipilit ang kanilang sarili na hindi magkaroon ng panlilinlang, mga reklamo, at hindi maghimagsik laban sa Diyos. Bakit gusto ng Diyos na magmungkahi ng ganitong uri ng pagmamahal at hilingin sa mga tao na ibigin Siya sa ganitong paraan? Ito ba ay isang uri ng pagmamahal na kayang maabot ng mga tao? Ibig sabihin, kaya ba ng mga tao na umibig sa ganitong paraan? Maaaring makita ng mga tao na hindi nila kaya, dahil hindi sila nagtataglay ni kaunti mang pagkaunawa sa ganitong uri ng pagmamahal. Kapag hindi ito taglay ng mga tao, at kapag hindi nila talaga nauunawaan ang tungkol sa pagmamahal, winiwika ng Diyos ang mga salitang ito, at hindi pamilyar sa kanila ang mga salitang ito. Dahil nabubuhay ang mga tao sa mundong ito na may tiwaling disposisyon, kung mayroon ang mga tao ng ganitong uri ng pagmamahal o kung magagawa ng isang tao na magtaglay ng ganitong uri ng pagmamahal, pagmamahal na hindi gumagawa ng mga kahilingan at mga pangangailangan, isang pagmamahal kung saan handa silang ilaan ang kanilang mga sarili at tiisin ang paghihirap at isuko ang lahat ng kanilang pag-aari, kung gayon ano ang iisipin ng iba sa isang taong nagtataglay ng ganitong uri ng pagmamahal? Hindi ba magiging perpekto ang gayong uri ng tao? (Oo.) Mayroon ba sa mundong ito ng perpektong taong tulad nito? Walang ganitong uri ng tao sa mundong ito. Tiyak ito. Samakatuwid, ang ilang tao, sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan, ay gumugugol ng matinding pagsisikap upang sukatin ang kanilang mga sarili ayon sa mga salitang ito. Inaayos nila ang kanilang mga sarili, pinipigilan ang kanilang mga sarili, at palagi pa nilang tinatalikdan ang kanilang mga sarili: Tinitiis nila ang pagdurusa at isinusuko nila ang kanilang mga kuru-kuro. Isinusuko nila ang kanilang pagiging mapanghimagsik, at ang sarili nilang mga pagnanasa at pagnanais. Ngunit sa huli, hindi pa rin nila maabot ang inaasahan. Bakit iyon nangyayari? Sinasabi ng Diyos ang mga bagay na ito upang magbigay ng pamantayan para sundin ng mga tao, upang malaman ng mga tao ang pamantayang hinihingi ng Diyos sa kanila. Ngunit kahit kailan ba ay nagsabi ang Diyos na dapat itong makamit ng mga tao kaagad? Kahit kailan ba ay sinabi ng Diyos kung gaano karaming oras mayroon ang mga tao upang makamit ito? (Hindi.) Kahit kailan ba ay sinabi ng Diyos na kailangang ibigin Siya ng mga tao sa ganitong paraan? Ganito ba ang sinasabi ng tekstong ito? Hindi ganito ang sinasabi nito. Sinasabi lamang ng Diyos sa mga tao ang tungkol sa pagmamahal na Kanyang tinutukoy. Tungkol naman sa kakayahan ng mga taong umibig sa Diyos sa ganitong paraan at tratuhin ang Diyos sa ganitong paraan, ano ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao? Hindi kinakailangang maabot ang mga ito kaagad, dahil lampas iyon sa kakayahan ng mga tao. Naisip na ba ninyo ang tungkol sa uri ng mga kalagayang kailangang maabot ng mga tao upang umibig sa ganitong paraan? Kung madalas nababasa ng mga tao ang mga salitang ito, unti-unti ba silang magkakaroon ng ganitong pagmamahal? (Hindi.) Kung gayon, ano ang mga kondisyon? Una, paano makakalaya ang mga tao mula sa mga paghihinala tungkol sa Diyos? (Ang mga tapat na tao lamang ang kayang magkamit nito.) Paano naman ang pagiging malaya mula sa panlilinlang? (Kailangan din nilang maging matatapat na tao.) Paano naman ang pagiging isang tao na hindi nakikipagkasunduan sa Diyos? Iyon din ay bahagi ng pagiging isang matapat na tao. Paano naman ang pagiging malaya sa katusuhan? Ano ang ibig sabihin ng pagsasabing walang pagpili sa pagmamahal? Lahat ba ng bagay na ito ay nauuwi sa pagiging isang matapat na tao? Maraming detalye rito. Ano ang pinatutunayan nitong nagagawang magsalita at bigyang kahulugan ng Diyos ang ganitong uri ng pagmamahal sa ganitong paraan? Masasabi ba natin na taglay ng Diyos ang ganitong uri ng pagmamahal? (Oo.) Saan kayo nakakakita nito? (Sa pagmamahal ng Diyos para sa tao.) Ang pagmamahal ba ng Diyos para sa tao ay may kondisyon? Mayroon bang mga hadlang o distansya sa pagitan ng Diyos at ng tao? Mayroon bang mga paghihinala ang Diyos sa tao? (Wala.) Inoobserbahan at nauunawaan ng Diyos ang tao; tunay Niyang nauunawaan ang tao. Mapanlinlang ba ang Diyos sa tao? (Hindi.) Dahil nangungusap ang Diyos nang gayon kaperpekto tungkol sa pagmamahal na ito, magiging gayon ba kaperpekto ang Kanyang puso o ang Kanyang diwa? (Oo.) Walang alinlangan, perpekto ang mga ito; kapag ang nararanasan ng mga tao ay umabot sa isang partikular na antas, mararamdaman nila ito. Binigyang-kahulugan na ba ng mga tao ang pagmamahal sa ganitong paraan? Sa anong mga pagkakataon binigyang kahulugan ng tao ang pagmamahal? Paano nangungusap ang tao tungkol sa pagmamahal? Hindi ba nagsasalita ang tao tungkol sa pagmamahal batay sa pagbibigay o pag-aalay? (Oo.) Ang pakahulugan na ito ng pagmamahal ay payak; nagkukulang ito sa diwa.

Ang pakahulugan ng Diyos sa pagmamahal at ang paraan ng pagsasalita ng Diyos tungkol sa pagmamahal ay kaugnay sa isang aspeto ng Kanyang diwa, ngunit aling aspeto ito? Noong huling nagkasama tayo ay nagbahaginan tayo tungkol sa isang napakahalagang paksa, isang paksa na madalas tinatalakay ng mga tao noon. Ang paksang ito ay binubuo ng isang salita na madalas na pinag-uusapan tungkol sa paniniwala sa Diyos, gayunpaman ito ay salita na nararamdaman ng lahat na kapwa pamilyar at hindi pamilyar. Bakit Ko sinasabi ito? Ito ay salitang nagmumula sa mga wika ng tao; gayunpaman, ang kahulugan nito sa tao ay kapwa malinaw at malabo. Ano ang salitang ito? (Kabanalan.) Kabanalan: iyon ang ating paksa noong huling nagbahaginan tayo. Nagbahaginan tayo tungkol sa isang bahagi ng paksang ito. Sa pamamagitan ng huli nating pagbabahaginan, nagtamo ba ang lahat ng bagong pagkaunawa sa diwa ng kabanalan ng Diyos? Anong mga aspeto ng pagkaunawang ito ang itinuturing ninyong ganap na bago? Kumbaga ay, ano ang nasa pagkaunawa ninyo o nasa loob ng mga salitang iyon na nagpadama sa inyo na ang inyong pagkaunawa sa kabanalan ng Diyos ay iba kaysa sa kabanalan ng Diyos ayon sa sinabi Ko tungkol dito sa panahon ng ating pagbabahaginan? Mayroon ba kayong anumang mga palagay tungkol dito? (Sinasabi ng Diyos kung ano ang nararamdaman Niya sa Kanyang puso; ang Kanyang mga salita ay walang dungis. Ito ay pagpapamalas ng isang aspeto ng kabanalan.) (Mayroon ding kabanalan kapag napopoot ang Diyos sa tao; ang Kanyang poot ay walang kapintasan.) (Tungkol sa kabanalan ng Diyos, nauunawaan ko na mayroong kapwa poot ng Diyos at Kanyang awa sa loob ng Kanyang matuwid na disposisyon. Nag-iwan ito ng napakalakas na impresyon sa akin. Sa ating huling pagbabahaginan, nabanggit ding ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay natatangi—hindi ko ito naintindihan dati. Naunawaan ko lamang na ang poot ng Diyos ay iba sa galit ng tao noong marinig ko kung ano ang ibinahagi ng Diyos. Ang poot ng Diyos ay isang positibong bagay at ito ay may prinsipyo; ito ay ipinadala dahil sa likas na diwa ng Diyos. Nakikita ng Diyos ang isang bagay na negatibo kaya pinakakawalan Niya ang Kanyang poot. Ito ay isang bagay na walang nilalang ang nagtataglay.) Ang ating paksa ngayon ay ang kabanalan ng Diyos. Narinig at natutuhan na ng lahat ng tao ang tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Higit pa rito, madalas na pinag-uusapan ng maraming tao ang tungkol sa kabanalan ng Diyos at matuwid na disposisyon ng Diyos bilang magkaugnay na konsepto; sinasabi nila na banal ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ang salitang “banal” ay tiyak na pamilyar sa kaninuman—ito ay isang salitang palaging ginagamit. Ngunit kaugnay sa mga kahulugan sa loob ng salitang iyon, anong mga pagpapahayag ng kabanalan ng Diyos ang nakikita ng mga tao? Ano ang ibinunyag ng Diyos na kayang makilala ng mga tao? Natatakot Ako na ito ay isang bagay na walang sinuman ang nakakaalam. Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid, ngunit kung babanggitin mo ang matuwid na disposisyon ng Diyos at sasabihin na ito ay banal, tila ito ay medyo malabo, medyo magulo; bakit kaya ganito? Sinasabi mong matuwid ang disposisyon ng Diyos, o sinasabi mong banal ang Kanyang matuwid na disposisyon, kaya sa inyong mga puso, paano ninyo inilalarawan ang kabanalan ng Diyos, paano ninyo ito inuunawa? Sa madaling sabi, ano sa ibinunyag ng Diyos, o sa kung anong mayroon Siya at kung ano Siya, ang makikilala ng mga tao bilang banal? Naisip na ba ninyo ito noon? Ang Aking nakita ay madalas na binibigkas ng mga tao ang mga salitang karaniwang ginagamit o mga katagang nasabi na nang paulit-ulit, ngunit hindi man lang nila alam ang kanilang sinasabi. Ganoon lang ang paraan kung paano binibigkas ito ng lahat, at nakasanayan na nilang sabihin ito, kaya ito ay nagiging bahagi ng kanilang bokabularyo. Gayunpaman, kung sila ay mag-iimbestiga at pag-aaralang mabuti ang mga detalye, makikita nila na hindi nila alam ang tunay na kahulugan o kung ano ang tinutukoy nito. Kagaya na lamang ng salitang “banal,” walang sinuman ang nakakaalam ng eksaktong aspeto ng diwa ng Diyos na tinutukoy kaugnay ng Kanyang kabanalan na binabanggit nila, at walang nakakaalam kung paano maitutugma ang salitang “banal” sa Diyos. Naguguluhan ang mga tao sa kanilang mga puso, at ang kanilang pagkakilala sa kabanalan ng Diyos ay malabo at hindi malinaw. Tungkol naman sa kung paano naging banal ang Diyos, walang sinuman ang nakakaunawa nito. Ngayon, tayo ay magbabahaginan tungkol sa paksang ito upang iayon ang salitang “banal” sa Diyos upang makita ng mga tao ang aktuwal na nilalaman ng diwa ng kabanalan ng Diyos. Mapipigilan nito ang ilang tao mula sa palagian at walang pag-iingat na paggamit ng salitang ito at pagsasabi ng mga bagay nang walang tiyak na kaayusan samantalang hindi nila alam ang kanilang ibig sabihin o kung sila ba ay tama at tumpak. Laging nagsasalita ang mga tao ng ganito; ganito ka, ganito siya, kaya’t ito ay naging isang nakasanayang pananalita. Niyuyurakan nito nang hindi sinasadya ang salitang iyon.

Kung titingnan, ang salitang “banal” ay tila napakadaling intindihin, hindi ba? Kahit paano, naniniwala ang mga tao na ang salitang “banal” ay nangangahulugang malinis, walang bahid ng dumi, sagrado, at dalisay. Mayroon ding mga nag-uugnay ng “kabanalan” sa “pagmamahal” sa himnong “Dalisay na Pagmamahal na Walang Dungis” na kakakanta lang natin ngayon. Ito ay tama; ito ay isang bahagi nito. Ang pagmamahal ng Diyos ay bahagi ng Kanyang diwa, ngunit hindi ito ang kabuuan nito. Gayunman, sa mga kuru-kuro ng mga tao, nakikita nila ang salita at iniuugnay ito sa mga bagay na itinuturing nila bilang dalisay at malinis, o sa mga bagay na personal nilang naiisip na walang bahid ng dumi o walang dungis. Halimbawa, sinabi ng ilang tao na ang bulaklak na lotus ay malinis, at ito ay sumisibol nang walang kapintasan mula sa maruming putik. Kaya nagsimula ang mga tao na gamitin ang salitang “banal” sa bulaklak na lotus. Banal ang tingin ng ilang tao sa mga kuwento ng pagmamahal na piksyonal, o maaaring tingnan nila ang mga kahanga-hanga ngunit kathang-isip na tauhan bilang banal. Dagdag pa rito, itinuturing ng ilan ang mga tauhan sa Bibliya, o ang ibang nasusulat sa mga aklat na espirituwal—kagaya ng mga santo, mga apostol, o iba pa na minsang sumunod sa Diyos noong ginawa Niya ang Kanyang gawain—bilang mga nagkaroon ng mga karanasang espirituwal na banal. Ang lahat ng ito ay mga bagay na naisip ng mga tao; mga kuru-kuro na pinanghahawakan ng mga tao. Bakit pinanghahawakan ng mga tao ang mga kuru-kurong gaya nito? Ang dahilan ay napakasimple: Ito ay dahil namumuhay ang mga tao sa gitna ng tiwaling disposisyon at naninirahan sa isang mundo ng kasamaan at karumihan. Ang lahat ng kanilang nakikita, lahat ng kanilang nahahawakan, lahat ng kanilang nararanasan ay kasamaan at katiwalian ni Satanas pati na rin ang panloloko, paglalabanan, at digmaan na nagaganap sa mga tao na nasa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Samakatuwid, kahit isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa mga tao, at kahit Siya ay nangungusap sa kanila at ibinubunyag ang Kanyang disposisyon at diwa, hindi nila nakikita o nauunawaan ang kabanalan at diwa ng Diyos. Madalas sinasabi ng mga tao na ang Diyos ay banal, ngunit kulang sila ng tunay na pagkaunawa; mga salitang walang kahulugan lamang ang binibigkas nila. Dahil naninirahan ang mga tao sa gitna ng karumihan at katiwalian at nasa kapangyarihan ni Satanas, at hindi nila nakikita ang liwanag, walang alam tungkol sa mga positibong bagay, at higit pa rito, hindi nila alam ang katotohanan, walang sinuman ang tunay na nakakaalam kung ano ang ibig sabihin ng “banal.” Kaya mayroon bang anumang banal na mga bagay o banal na mga tao sa gitna ng tiwaling sangkatauhan na ito? Masasabi natin nang may katiyakan: Wala, wala nito, dahil ang diwa lamang ng Diyos ang banal.

Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa isang aspeto kung paanong ang diwa ng Diyos ay banal. Nagbigay ito ng inspirasyon para makamit ng mga tao ang kaalaman tungkol sa kabanalan ng Diyos, ngunit hindi ito sapat. Hindi nito kayang matulungan ang mga tao na lubusang maunawaan ang kabanalan ng Diyos, ni hindi nito kayang matulungan silang intindihin na ang kabanalan ng Diyos ay natatangi. Dagdag pa rito, hindi nito kayang tulungan nang sapat ang mga tao na unawain ang tunay na kahulugan ng kabanalan na lubusang kinakatawan ng Diyos. Samakatuwid, kinakailangang ipagpatuloy natin ang ating pagbabahaginan sa paksang ito. Noong nakaraan, tinalakay sa ating pagbabahaginan ang tatlong paksa, kaya dapat nating talakayin ngayon ang ikaapat. Magsisimula tayo sa pagbabasa mula sa Kasulatan.

Ang Tukso ni Satanas

Mateo 4:1–4 Pagkatapos ay dinala ng Espiritu si Jesus sa disyerto upang tuksuhin ng diyablo. At nang Siya’y makapag-ayuno nang apatnapung araw at apatnapung gabi, sa wakas ay nagutom Siya. At ang manunukso ay dumating at nagsabi sa Kanya, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay ipag-utos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.” Datapuwat Siya’y sumagot, at sinabi, “Nasusulat, hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.”

Ito ang mga salitang unang ginamit ng diyablo upang tuksuhin ang Panginoong Jesus. Ano ang nilalaman ng sinabi ng diyablo? (“Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay ipag-utos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.”) Ang mga salitang sinabi ng diyablo ay napakapayak, ngunit mayroon bang problema sa diwa ng mga ito? Sinabi ng diyablo, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos,” ngunit sa puso nito, alam ba nito na si Jesus ang Anak ng Diyos o hindi? Alam ba nito na Siya ang Cristo o hindi? (Alam nito.) Kung gayon, bakit nito sinabing “Kung Ikaw”? (Sinusubukan nitong tuksuhin ang Diyos.) Ngunit ano ang layunin nito sa paggawa nito? Sinabi nitong, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos.” Sa puso nito, alam nito na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, ito ay napakalinaw sa puso nito, ngunit sa kabila ng pagkakaalam tungkol dito, nagpasakop ba ito sa Kanya o sinamba ba Siya nito? (Hindi.) Ano ang nais nitong gawin? Nais nitong gamitin ang pamamaraang ito at ang mga salitang ito upang galitin ang Panginoong Jesus, at pagkatapos ay linlangin Siya na kumilos ayon sa mga layunin nito. Hindi ba ito ang kahulugan sa likod ng mga salita ng diyablo? Sa puso ni Satanas, malinaw na alam nito na Siya ang Panginoong Jesucristo, ngunit sinabi pa rin nito ang mga salitang ito. Hindi ba ito ang kalikasan ni Satanas? Ano ang kalikasan ni Satanas? (Ang maging tuso, masama, at walang takot sa Diyos.) Ano ang mga kahahantungan ng kawalan ng takot sa Diyos? Hindi ba’t gusto nitong salakayin ang Diyos? Gusto nitong gamitin ang pamamaraang ito upang salakayin ang Diyos, kaya’t sinabi nito: “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay ipag-utos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay”; hindi ba ito ang masamang intensyon ni Satanas? Ano ang talagang sinusubukan nitong gawin? Ang pakay nito ay napakalinaw: Sinusubukan nitong gamitin ang pamamaraang ito upang pasinungalingan ang posisyon at pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo. Ang ibig sabihin ni Satanas sa mga salitang iyon ay, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, gawin Mong tinapay ang mga batong ito. Kung hindi Mo gagawin, hindi Ikaw ang Anak ng Diyos at hindi Mo na dapat na isakatuparan pa ang Iyong gawain.” Tama ba? Gusto nitong gamitin ang pamamaraang ito upang salakayin ang Diyos, gusto nitong buwagin at sirain ang gawain ng Diyos; ito ang kasamaan ni Satanas. Ang kasamaan nito ay natural na pagpapahayag ng kalikasan nito. Kahit na alam nitong ang Panginoong Jesucristo ang Anak ng Diyos, ang mismong pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi nito kayang pigilin ang sarili na gawin ang ganitong uri ng bagay, na bumuntot-buntot sa Diyos at patuloy na salakayin Siya at magsikap na mabuti upang guluhin at wasakin ang gawain ng Diyos.

Ngayon, ating suriin ang katagang binigkas ni Satanas: “Ipag-utos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.” Gawing tinapay ang mga bato—mayroon ba itong ibig sabihin? Kung mayroong pagkain, bakit hindi mo ito kakainin? Bakit kinakailangan na ang mga bato ay gawing pagkain? Masasabi ba na walang ibig ipakahulugan dito? Kahit na Siya ay nag-aayuno noong mga oras na iyon, tiyak namang may pagkain na makakain ang Panginoong Jesus? (Mayroon.) Kung gayon, dito, nakikita natin ang kahibangan ng mga salita ni Satanas. Sa kabila ng pandaraya at malisya ni Satanas, nakikita pa rin natin ang pagiging hibang at kakatwa nito. Gumagawa si Satanas ng ilang bagay kung saan ay makikita mo ang malisyosong kalikasan nito; makikita mo itong gumagawa ng mga bagay na wumawasak sa gawain ng Diyos, at sa pagkakita nito ay nararamdaman mong nakakagalit at nakakayamot ito. Ngunit, sa kabilang banda, hindi mo ba nakikita ang isang parang bata at katawa-tawang kalikasan sa likod ng mga salita at gawa nito? Ito ay isang paghahayag tungkol sa kalikasan ni Satanas; dahil mayroon itong ganitong uri ng kalikasan, gagawin nito ang ganitong uri ng bagay. Sa mga tao ngayon, ang mga katagang ito ni Satanas ay kahibangan at katawa-tawa. Ngunit ang mga salitang iyon ay kaya talagang bigkasin ni Satanas. Masasabi ba natin na ito ay ignorante at kakatwa? Ang kasamaan ni Satanas ay nasa lahat ng dako at patuloy na nabubunyag. At paano ito sinagot ng Panginoong Jesus? (“Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.”) Mayroon bang anumang kapangyarihan ang mga salitang ito? (Oo, mayroon.) Bakit natin sinasabi na may kapangyarihan ang mga ito? Ito ay dahil ang mga salitang ito ay katotohanan. Ngayon, sa tinapay lamang ba nabubuhay ang tao? Ang Panginoong Jesus ay nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at gabi. Namatay ba Siya sa gutom? Hindi Siya namatay sa gutom, kaya nilapitan Siya ni Satanas, inuudyukan Siya na gawing pagkain ang mga bato sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga bagay na tulad ng: “Kung gagawin Mong pagkain ang mga bato, hindi ba’t magkakaroon Ka na ng makakain? Hindi ba’t hindi Mo na kailangang mag-ayuno, hindi na kailangang magutom?” Ngunit sinabi ng Panginoong Jesus, “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao,” na nangangahulugang, kahit na ang tao ay naninirahan sa pisikal na katawan, ang nagpapahintulot sa pisikal na katawan na mabuhay at huminga ay hindi pagkain, kundi ang bawat isa sa mga salitang binigkas ng bibig ng Diyos. Sa isang banda, ang mga salitang ito ay katotohanan; binibigyan nila ng pananampalataya ang mga tao, ipinadarama sa kanila na maaari silang dumepende sa Diyos, at na Siya ay katotohanan. Sa kabilang banda, mayroon bang praktikal na aspeto sa mga salitang ito? Hindi ba’t ang Panginoong Jesus ay nakatayo pa rin doon at buhay pa rin pagkatapos mag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at gabi? Hindi ba ito isang tunay na halimbawa? Hindi Siya kumain ng kahit anumang pagkain sa loob ng apatnapung araw at gabi, ngunit buhay pa rin Siya. Ito ang makapangyarihang ebidensya na nagpapatunay sa katotohanan ng Kanyang mga salita. Ang mga salitang ito ay simple, ngunit para sa Panginoong Jesus, binigkas Niya ba ito noon lamang tinukso Siya ni Satanas, o dati nang natural na bahagi Niya ang mga ito? Sa ibang pananalita, ang Diyos ay katotohanan, at ang Diyos ay buhay, ngunit ang katotohanan at buhay ba ng Diyos ay huling pandagdag lamang? Ang mga ito ba ay mula sa bagong karanasan? Hindi—sila ay likas sa Diyos. Ibig sabihin, ang katotohanan at buhay ang diwa ng Diyos. Anuman ang sapitin Niya, ang tangi Niyang ibinubunyag ay katotohanan. Ang katotohanang ito, ang mga salitang ito—ang nilalaman man ng Kanyang pananalita ay mahaba o maikli—ay kayang bigyang-kakayanan ang tao na mabuhay at bigyan ang tao ng buhay; mabibigyang-kakayanan ng mga ito ang tao na makamit ang katotohanan at kalinawan tungkol sa landas ng buhay ng tao, at tulungan silang magkaroon ng pananampalataya sa Diyos. Sa madaling salita, ang pinagmumulan ng paggamit ng Diyos ng mga salitang ito ay positibo. Kaya masasabi ba natin na ang positibong bagay na ito ay banal? (Oo.) Ang mga salitang ito ni Satanas ay nanggagaling sa kalikasan ni Satanas. Ibinubunyag ni Satanas ang kanyang masama at malisyosong kalikasan kahit saan, sa lahat ng oras. Ngayon, ginagawa ba ni Satanas ang mga pagbubunyag na ito nang natural? Mayroon bang gumagabay rito para gawin ito? Tinutulungan ba ito ng sinuman? Pinupuwersa ba ito ng sinuman? Hindi. Ang lahat ng mga paghahayag na ito ay ginagawa nito sa sarili nitong pag-iisip. Ito ang masamang kalikasan ni Satanas. Anuman ang ginagawa ng Diyos at kahit paano man Niya ginagawa ito, sinusundan ito nang husto ni Satanas. Ang diwa at tunay na kalikasan ng mga bagay na ito na sinasabi at ginagawa ni Satanas ay siyang diwa ni Satanas—diwang masama at malisyoso. Ngayon, sa patuloy nating pagbasa, ano pa ang sinabi ni Satanas? Basahin natin.

Mateo 4:5–7 Nang magkagayo’y dinala Siya ng diyablo sa bayang banal; at inilagay Siya sa taluktok ng templo, at sa Kanya’y sinabi, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay magpatihulog Ka: sapagkat nasusulat, ‘Siya’y magbibilin sa Kanyang mga anghel tungkol sa Iyo: at, aalalayan Ka ng kanilang mga kamay, baka matisod Ka ng Iyong paa sa isang bato.’” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.’”

Pag-usapan muna natin ang mga salitang sinabi ni Satanas dito. Sinabi ni Satanas, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay magpatihulog Ka,” at pagkatapos ay sinabi nito mula sa mga Kasulatan, “Siya’y magbibilin sa Kanyang mga anghel tungkol sa Iyo: at, aalalayan Ka ng kanilang mga kamay, baka matisod Ka ng Iyong paa sa isang bato.” Ano ang iyong nararamdaman kapag naririnig ang mga salita ni Satanas? Hindi ba masyadong may pagka-isip-bata ang mga ito? Ang mga ito ay may pagka-isip-bata, kahibangan, at nakakayamot. Bakit Ko sinasabi ito? Palaging gumagawa si Satanas ng mga bagay na kahangalan, at naniniwala ito na ito ay napakatalino. Madalas itong sumisipi mula sa mga Kasulatan—kahit ang mismong mga salita ng Diyos—sumusubok na gamitin ang mga salitang ito laban sa Diyos upang salakayin Siya at upang tuksuhin Siya sa pagtatangkang makamit ang layunin nitong wasakin ang plano ng gawain ng Diyos. May napapansin ka ba sa mga sinabi ni Satanas? (Mayroong mga masamang pakay si Satanas.) Sa lahat ng ginagawa ni Satanas, palagi nitong sinisikap na tuksuhin ang sangkatauhan. Hindi nagsasalita si Satanas nang deretsahan, kundi sa paligoy-ligoy na paraang gamit ang panunukso, panlilinlang, at pang-aakit. Ginagawa ni Satanas ang pagtukso sa Diyos na para bang isa Siyang pangkaraniwang tao, naniniwalang ang Diyos ay mangmang din, hangal, at hindi kayang malinaw na makilala ang mga bagay sa tunay nilang anyo, na katulad ng taong hindi rin magagawa ito. Iniisip ni Satanas na ang Diyos at ang tao ay parehong hindi nakakakita sa diwa nito at sa panlilinlang at masamang pakay nito. Hindi ba ito ang kahangalan ni Satanas? Higit pa rito, hayagang bumabanggit si Satanas ng mga kasabihan mula sa mga Kasulatan, iniisip na ang paggawa nito ay nagbibigay rito ng kredibilidad, at na hindi mo makikita ang anumang kamalian sa mga salita nito o maiiwasang malinlang. Hindi ba ito ang pagiging kakatwa at isip-bata ni Satanas? Ito ay kagaya lang kapag ang ilang tao ay nagpapalaganap ng ebanghelyo at nagpapatotoo sa Diyos: hindi ba’t sinasabi ng mga di-mananampalataya ang kagaya ng sinabi ni Satanas? Narinig na ba ninyo ang mga tao na nagsasabi ng mga bagay na kapareho nito? Ano ang pakiramdam mo kapag naririnig mo ang mga bagay na katulad nito? Nakakaramdam ka ba ng pagkayamot? (Oo.) Kapag nakakaramdam ka ng pagkayamot, nakakaramdam ka rin ba ng pag-ayaw at pagkamuhi? Kapag mayroon kang mga pakiramdam na ganito, kaya mo bang matukoy na si Satanas at ang tiwaling disposisyon na ginagawa ni Satanas sa tao ay masama? Sa iyong puso, nagkaroon ka ba ng pagkaunawang katulad ng: “Kapag nagsalita si Satanas, ginagawa niya ito bilang pagsalakay at panunukso; ang mga salita ni Satanas ay kakatwa, nakakatawa, pang-isip-bata, at nakakayamot; gayunpaman, hindi magsasalita o gagawa ang Diyos sa gayong paraan, at sa katunayan ay hindi Niya iyon kailanman ginawa”? Siyempre, sa sitwasyong ganito lamang nagkakaroon ang mga tao ng kaunting pakiramdam dito, at patuloy silang hindi nakakaunawa sa kabanalan ng Diyos. Sa inyong kasalukuyang tayog, nararamdaman lamang ninyo na: “Ang lahat ng sinasabi ng Diyos ay ang katotohanan, ito ay may pakinabang sa atin, at dapat nating tanggapin ito.” Tanggapin man ninyo ito o hindi, sinasabi ninyo nang walang pagtatangi na ang salita ng Diyos ay katotohanan at ang Diyos ay katotohanan, ngunit hindi ninyo alam na ang katotohanan mismo ay banal at ang Diyos ay banal.

Kung gayon, ano ang sagot ni Jesus sa mga salitang ito ni Satanas? Sinabi rito ni Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.’” Mayroon bang katotohanan sa mga salitang ito na sinabi ni Jesus? May katotohanan talaga ang mga ito. Sa mababaw na pagkaunawa, ang mga salitang ito ay utos na dapat sundin ng mga tao, isang simpleng parirala, gayunpaman, madalas nang sinuway kapwa ng tao at ni Satanas ang mga salitang ito. Kaya naman, sinabi ng Panginoong Jesus kay Satanas, “Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos,” dahil ito ang malimit na ginagawa ni Satanas na may kasipagan. Maaari ding sabihin na walang pakundangan at walang kahihiyan itong ginagawa ni Satanas. Nasa kalikasang diwa ni Satanas ang hindi kilabutant sa Diyos at hindi magkaroon ng may takot sa Diyos na puso. Kahit na noong nakatayo si Satanas sa tabi ng Diyos at nakikita Siya, hindi nito napigil ang sarili na tuksuhin ang Diyos. Kaya, sinabi ng Panginoong Jesus kay Satanas, “Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.” Ito ay mga salitang madalas sinasabi ng Diyos kay Satanas. Kung gayon, naaangkop ba na gamitin ang pariralang ito sa kasalukuyan? (Oo, dahil madalas din nating tuksuhin ang Diyos.) Bakit madalas tinutukso ng mga tao ang Diyos? Ito ba ay dahil puno ang mga tao ng tiwali at satanikong disposisyon? (Oo.) Kung gayon, ang mga salita ba ni Satanas ay mas mataas sa madalas na sinasabi ng mga tao? At sa anong mga sitwasyon sinasabi ng mga tao ang mga salitang ito? Maaaring sabihin na ang mga tao ay bumibigkas ng mga bagay na katulad nito anumang oras at lugar. Pinatutunayan nito na ang disposisyon ng mga tao ay hindi naiiba sa tiwaling disposisyon ni Satanas. Sinabi ng Panginoong Jesus ang ilang simpleng kataga, mga salitang kumakatawan sa katotohanan, mga salitang kailangan ng mga tao. Gayunpaman, sa sitwasyong ito, nagsasalita ba ang Panginoong Jesus sa gayong paraan upang makipagtalo kay Satanas? Mayroon bang anumang bakas ng pakikipagtalo sa sinabi Niya kay Satanas? (Wala.) Ano ba ang naramdaman ng Panginoong Jesus sa Kanyang puso sa panunukso ni Satanas? Nakaramdam ba Siya ng pagkayamot at pagkasuklam? Ang Panginoong Jesus ay nasuklam at nayamot ngunit hindi Siya nakipagtalo kay Satanas, lalong hindi Siya nagsalita tungkol sa anumang engrandeng mga prinsipyo. Bakit ganoon? (Dahil laging ganito si Satanas, hindi ito kailanman magbabago.) Maaari bang sabihin na hindi tinatablan si Satanas ng katwiran? (Oo.) Makikilala ba ni Satanas na ang Diyos ay katotohanan? Hindi kailanman kikilalanin ni Satanas na ang Diyos ay katotohanan at hindi nito kailanman aaminin na ang Diyos ay katotohanan; ito ang kalikasan nito. Mayroon pang isang aspeto sa kalikasan ni Satanas na nakasusulasok. Ano ito? Sa mga pagtatangka nitong tuksuhin ang Panginoong Jesus, inisip ni Satanas na kahit na hindi ito magtatagumpay, susubukan pa rin nitong gawin ito. Kahit na mapaparusahan ito, pinili pa rin nitong subukan ito. Kahit na wala itong makukuhang pakinabang sa paggawa nito, susubok pa rin ito, na nagpipilit sa mga pagsisikap nito at tatayo laban sa Diyos hanggang sa katapus-tapusan. Anong uri ng kalikasan ito? Hindi ba iyon masama? Kapag nanggagalaiti ang isang tao at nagwawala kapag nababanggit ang Diyos, nakita na ba niya ang Diyos? Kilala ba niya kung sino ang Diyos? Hindi niya alam kung sino ang Diyos, hindi siya naniniwala sa Kanya, at hindi pa nakikipag-usap ang Diyos sa kanya. Hindi siya kailanman ginambala ng Diyos, kaya bakit siya magagalit? Maaari ba nating sabihin na ang taong ito ay masama? Ang mga makamundong kalakaran, pagkain, pag-inom, at paghahanap ng kasiyahan at paghabol sa mga sikat na tao—wala sa mga bagay na ito ang makagagambala sa ganitong tao. Gayunpaman, isang pagbigkas lang ng salitang “Diyos” o ng katotohanan ng mga salita ng Diyos, agad siyang nagwawala. Hindi ba ito ang bumubuo sa pagkakaroon ng masamang kalikasan? Ito ay sapat na upang patunayan na ito ang masamang kalikasan ng tao. Ngayon, para sa inyong mga sarili, mayroon bang mga pagkakataon na kapag ang katotohanan ay nababanggit, o kapag ang mga pagsubok ng Diyos para sa sangkatauhan o kapag ang mga salita ng paghatol ng Diyos laban sa tao ay nabanggit, nakakaramdam kayo ng pag-ayaw, nakakaramdam kayo ng pagtanggi, at hindi ninyo gustong marinig ang tungkol dito? Ang inyong mga puso ay maaaring mag-isip: “Hindi ba lahat ng tao ay nagsabing ang Diyos ang katotohanan? Ang ilan sa mga salitang ito ay hindi katotohanan! Malinaw na mga salita lamang ng pagpapaalala ng Diyos sa tao ang mga ito!” Maaari pa ngang makaramdam ang ibang tao ng matinding pag-ayaw sa kanilang mga puso, at isiping: “Ito ay napag-uusapan araw-araw—ang Kanyang mga pagsubok, ang Kanyang paghatol, kailan matatapos ang lahat ng ito? Kailan natin matatanggap ang mabuting hantungan?” Hindi batid kung saan nanggagaling ang hindi makatwirang galit na ito. Anong uri ng kalikasan ito? (Masamang kalikasan.) Ito ay inuudyukan at ginagabayan ng masamang kalikasan ni Satanas. Mula sa pananaw ng Diyos, kaugnay ng masamang kalikasan ni Satanas at ng tiwaling disposisyon ng tao, hindi Siya kailanman nakikipagtalo o nagkikimkim ng galit sa mga tao, at hindi Siya gumagawa ng gulo kapag ang mga tao ay kumikilos na may kahangalan. Hindi ninyo kailanman makikita ang Diyos na magkaroon ng mga pananaw sa mga bagay-bagay na gaya ng sa mga tao, at higit pa rito, hindi ninyo Siya makikitang gumagamit ng mga pananaw, kaalaman, siyensya, pilosopiya o imahinasyon ng sangkatauhan para mapangasiwaan ang mga bagay-bagay. Sa halip, ang lahat ng ginagawa ng Diyos at ang lahat ng Kanyang ibinubunyag ay may kaugnayan sa katotohanan. Ibig sabihin, bawat salitang sinabi Niya at bawat kilos na Kanyang ginawa ay may kaugnayan sa katotohanan. Ang katotohanang ito ay hindi nagmula sa ilang pantasyang walang basehan; ang katotohanang ito at mga salitang ito ay naipapahayag ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang diwa at Kanyang buhay. Dahil ang mga salitang ito at ang diwa ng lahat ng ginawa ng Diyos ay katotohanan, maaari nating sabihin na ang diwa ng Diyos ay banal. Sa madaling sabi, ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ay nagbibigay ng sigla at liwanag sa mga tao, nagbibigay-kakayahan sa mga tao na makita ang mga positibong bagay at ang realidad ng mga positibong bagay na iyon, at itinuturo ang daan sa sangkatauhan para makalakad sila sa tamang landas. Ang mga bagay na ito ay pinagpapasyahan lahat ng diwa ng Diyos at ng diwa ng Kanyang kabanalan. Nakikita na ninyo ito ngayon, hindi ba? Ngayon, magpapatuloy tayo sa isa pang pagbasa mula sa mga Kasulatan.

Mateo 4:8–11 Muli Siyang dinala ng diyablo sa isang bundok na lubhang mataas, at ipinamalas sa Kanya ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan, at ang kaluwalhatian nila; At sinabi nito sa Kanya, “Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa Iyo, kung Ikaw ay magpapatirapa at sasambahin Mo ako.” Nang magkagayo’y sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, Satanas: sapagkat nasusulat, ‘Sa Panginoon mong Diyos sasamba ka, at Siya lamang ang iyong paglilingkuran.’” Nang magkagayo’y iniwan Siya ng diyablo; at narito, nagsidating ang mga anghel at Siya’y pinaglingkuran.

Ang diyablong si Satanas, na nabigo sa dalawang nakalipas na panlilinlang nito, ay sumubok na muli: Ipinakita nito ang lahat ng kaharian sa mundo at ang kaluwalhatian ng mga ito sa Panginoong Jesus at hinilingan Siyang sambahin ito. Ano ang nakikita mo sa mga tunay na katangian ng diyablo mula sa sitwasyong ito? Hindi ba tunay na walang kahihiyan ang diyablong si Satanas? (Oo.) Paano ito naging walang kahihiyan? Ang lahat ay nilikha ng Diyos, ngunit binaliktad ito ni Satanas at ipinapakita ang lahat ng bagay sa Diyos habang sinasabi ito, “Tingnan mo ang kayamanan at kaluwalhatian ng lahat ng kahariang ito. Lahat ng ito ay ibibigay ko sa Iyo kung sasambahin Mo ako.” Hindi ba ito isang lubos na pagpapalitan ng papel? Hindi ba’t walang kahihiyan si Satanas? Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, ngunit para ba iyon sa Kanyang sariling kasiyahan? Ibinigay ng Diyos ang lahat sa sangkatauhan, ngunit lahat ng ito ay gustong kunin ni Satanas at pagkakuha rito ay sinabi nito sa Diyos, “Sambahin Mo ako! Sambahin Mo ako at ibibigay ko sa Iyo ang lahat ng ito.” Ito ang pangit na mukha ni Satanas; ito ay tunay na walang kahihiyan! Hindi nga alam ni Satanas ang kahulugan ng salitang “kahihiyan.” Ito ay isa pang halimbawa ng kasamaan nito. Hindi man lang nito alam kung ano ang kahihiyan. Malinaw na alam ni Satanas na ang lahat ay nilikha ng Diyos at Siya ang namamahala nito at may kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang lahat ay pag-aari ng Diyos, hindi ng tao, at lalong hindi kay Satanas, ngunit si Satanas na diyablo ay walang kahihiyan na sinabing ibibigay nito ang lahat sa Diyos. Hindi ba ito isa pang halimbawa na muling kumikilos si Satanas sa paraang kakatwa at walang kahihiyan? Lalong kinamumuhian ng Diyos si Satanas dahil dito, hindi ba? Ngunit anuman ang subukang gawin ni Satanas, nalinlang ba ang Panginoong Jesus? Ano ang sinabi ng Panginoong Jesus? (“Sa Panginoon mong Diyos sasamba ka, at Siya lamang ang iyong paglilingkuran.”) Mayroon bang praktikal na kahulugan ang mga salitang ito? (Oo.) Anong uri ng praktikal na kahulugan? Nakikita natin ang pagiging masama at walang kahihiyan ni Satanas sa pagsasalita nito. Kaya kung sinamba ng tao si Satanas, ano kaya ang magiging kahihinatnan? Makakatanggap kaya sila ng kayamanan at kaluwalhatian ng lahat ng kaharian? (Hindi.) Ano ang kanilang matatanggap? Magiging kasing walang kahihiyan at kasing katawa-tawa ba sila gaya ni Satanas? (Oo.) Wala silang ipagkakaiba kung gayon kay Satanas. Kaya naman, sinabi ng Panginoong Jesus ang mga salitang ito na mahalaga para sa bawat tao: “Sa Panginoon mong Diyos sasamba ka, at Siya lamang ang iyong paglilingkuran.” Nangangahulugan ito na maliban sa Panginoon, maliban sa Diyos Mismo, kung maglilingkod ka sa iba pa, kung sasambahin mo si Satanas na diyablo, kung gayon ay malulublob ka sa parehong karumihan gaya ng kay Satanas. Makikibahagi ka kung gayon sa kawalang kahihiyan at kasamaan ni Satanas, at kagaya lamang ni Satanas, tutuksuhin at sasalakayin mo ang Diyos. Kung gayon, ano ang iyong magiging kahihinatnan? Ikaw ay kamumuhian ng Diyos, pababagsakin ng Diyos, at wawasakin ng Diyos. Matapos mabigong tuksuhin ni Satanas ang Panginoong Jesus nang ilang beses, sumubok ba ito ulit? Hindi na sumubok ulit si Satanas at umalis na ito. Ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nito ang likas na kasamaan ni Satanas, ang malisya nito, at ang pagiging kakatwa at kabaliwan nito ay hindi karapat-dapat na banggitin pa sa harap ng Diyos. Tinalo ng Panginoong Jesus si Satanas sa pamamagitan lamang ng tatlong pangungusap, matapos nito ay umalis ito na bahag ang buntot sa pagitan ng mga binti nito, labis na nahihiyang ipakita ang mukha nito, at hindi na kailanman nito muling tinukso ang Panginoong Jesus. Dahil napagtagumpayan na ng Panginoong Jesus ang panunuksong ito ni Satanas, madali na Niyang maipagpapatuloy ang gawain na kinailangan Niyang gawin at isagawa ang mga tungkuling nakaatang sa Kanya. Ang lahat ba ng ginawa at sinabi ng Panginoong Jesus sa sitwasyong ito ay nagtataglay ng anumang praktikal na kahulugan para sa bawat tao kung ito ay isinasabuhay ngayon? (Oo.) Anong uri ng praktikal na kahulugan? Ang pagtalo ba kay Satanas ay madaling gawin? Dapat bang magkaroon ang mga tao ng malinaw na pagkaunawa sa likas na kasamaan ni Satanas? Dapat bang magkaroon ang mga tao ng tiyak na pagkaunawa sa mga panunukso ni Satanas? (Oo.) Kapag naranasan mo ang mga panunukso ni Satanas sa iyong sariling buhay, at kung nakita mo ang likas na kasamaan ni Satanas, hindi mo ba ito makakayanang talunin? Kung alam mo ang pagiging kakatwa at hibang ni Satanas, mananatili ka pa rin ba sa panig ni Satanas at sasalakayin ang Diyos? Kung nauunawaan mo kung paano nabubunyag sa pamamagitan mo ang malisya at kawalang kahihiyan ni Satanas—kung malinaw mong nakikilala at nalalaman ang mga bagay na ito—tutuligsain at tutuksuhin mo pa rin ba ang Diyos sa ganitong paraan? (Hindi, hindi namin gagawin.) Ano ang inyong gagawin? (Maghihimagsik kami laban kay Satanas at isasantabi ito.) Iyon ba ay isang bagay na madaling gawin? Hindi ito madali. Para magawa ito, dapat ay magdasal ang mga tao nang madalas, dapat nilang ilagay nang madalas ang kanilang mga sarili sa harapan ng Diyos at suriin ang kanilang mga sarili. At dapat nilang hayaang dumapo sa kanila ang pagdidisiplina ng Diyos at ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Sa ganitong paraan lamang dahan-dahang maiaalis ng mga tao ang kanilang mga sarili mula sa panlilinlang at pagkontrol ni Satanas.

Ngayon, sa pamamagitan ng pagtingin sa lahat ng salitang binigkas ni Satanas, ating lalagumin ang mga bagay na bumubuo sa diwa ni Satanas. Una, ang diwa ni Satanas sa pangkalahatan ay maaaring masabing masama, na taliwas sa kabanalan ng Diyos. Bakit Ko sinasabi na ang diwa ni Satanas ay masama? Upang masagot ang tanong na ito, dapat na suriin ng tao ang mga bunga ng mga ginawa ni Satanas sa mga tao. Ginagawang tiwali at kinokontrol ni Satanas ang tao, at ang tao ay kumikilos sa ilalim ng tiwaling disposisyon ni Satanas, at namumuhay sa mundo ng mga taong ginawang tiwali ni Satanas. Ang sangkatauhan ay pagmamay-ari at naging bahagi ni Satanas nang hindi nila namamalayan; ang tao kung gayon ay mayroon nang tiwaling disposisyon ni Satanas, na siyang kalikasan ni Satanas. Mula sa lahat ng sinabi at ginawa ni Satanas, nakita mo ba ang kayabangan nito? Nakita mo ba ang panlilinlang at malisya nito? Paano pangunahing naipapakita ang kayabangan ni Satanas? Gusto ba lagi ni Satanas na sakupin ang posisyon ng Diyos? Palaging ninanais ni Satanas na wasakin ang gawain ng Diyos at ang posisyon ng Diyos at angkinin ito para sa sarili nito upang sundin, suportahan, at sambahin ng mga tao si Satanas; ito ang likas na kayabangan ni Satanas. Kapag ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, direkta ba nitong sinasabi sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin? Kapag tinutukso ni Satanas ang Diyos, lumalabas ba ito at sinasabing, “Tinutukso Kita, sasalakayin Kita”? Hinding-hindi nito talaga ginagawa ito. Kung gayon, anong pamamaraan ang ginagamit ni Satanas? Nang-aakit, nanunukso, sumasalakay, at naglalagay ito ng mga patibong, at sumisipi pa mula sa mga Kasulatan. Nagsasalita at kumikilos si Satanas sa iba’t ibang paraan upang makamit ang masasamang layunin at motibo nito. Matapos itong magawa ni Satanas, ano ang maaaring makita mula sa naipapamalas ng tao? Hindi ba’t nagiging mayabang din ang mga tao? Nagdusa na ang tao mula sa katiwalian ni Satanas sa loob ng ilang libong taon, kaya naman naging mayabang, mapanlinlang, malisyoso, at hindi na makatwiran ang tao. Ang lahat ng mga bagay na ito ay nangyari dahil sa kalikasan ni Satanas. Dahil ang kalikasan ni Satanas ay masama, nagbigay ito sa tao ng likas na kasamaan at nagdala sa tao ng masama at tiwaling disposisyon na ito. Kung gayon, namumuhay ang tao sa ilalim ng tiwali at satanikong disposisyon at, katulad ni Satanas, nilalabanan niya ang Diyos, sinasalakay ang Diyos, at tinutukso Siya, hanggang sa hindi na sumasamba sa Diyos ang tao at wala na itong may takot sa Diyos na puso.

Limang Paraan Kung Paano Ginagawang Tiwali ni Satanas ang Tao

Kaugnay ng kabanalan ng Diyos, kahit na ito ay isang pamilyar na paksa, ito ay paksa na maaaring maging medyo malabo para sa ilang tao at maging medyo malalim at lagpas sa kanilang pag-unawa kapag napag-usapan. Ngunit hindi kailangang mag-alala. Tutulungan Ko kayong intindihin kung ano ang kabanalan ng Diyos. Upang maunawaan kung anong uri ng tao ang isang tao, tingnan kung ano ang kanilang ginagawa at ang mga kinahihinatnan ng kanilang mga kilos, at pagkatapos ay makikita mo ang diwa ng taong iyon. Maaari bang sabihin ito sa ganitong paraan? (Oo.) Kung gayon, magbahaginan muna tayo tungkol sa kabanalan ng Diyos mula muna sa pananaw na ito. Maaaring sabihin na ang diwa ni Satanas ay masama, at kaya naman ang mga pagkilos ni Satanas tungo sa tao ay upang walang humpay silang gawing tiwali. Masama si Satanas, kaya naman ang mga tao na ginawang tiwali nito ay tiyak na masama. May magsasabi ba na, “Masama si Satanas, ngunit baka ang isang taong nagawang tiwali nito ay banal”? Isang biro ito, hindi ba? Posible ba ang ganoong bagay? (Hindi.) Masama si Satanas, at sa loob ng kasamaan nito mayroong mahalaga at praktikal na panig. Hindi ito basta pag-uusap na walang saysay. Hindi natin sinisiraan si Satanas; nagbabahaginan lamang tayo tungkol sa katotohanan at realidad. Maaaring masaktan ng pagbabahaginang ito tungkol sa realidad ng paksang ito ang ilan o ang isang partikular na pangkat ng mga tao, ngunit walang malisyosong pakay rito; marahil maririnig ninyo ito ngayon at hindi kayo magiging masyadong komportable, ngunit darating ang panahon, kapag kaya na ninyong makilala ito, kamumuhian ninyo ang inyong mga sarili, at mararamdaman ninyo na ang Aking sinasabi ngayon ay labis na makakatulong sa inyo at napakahalaga. Ang diwa ni Satanas ay masama, kaya masasabi ba natin na ang mga resulta ng mga pagkilos ni Satanas ay hindi maiiwasang maging masama, o kahit paano ay may kaugnayan sa kasamaan nito? (Oo.) Kaya paano ginagawang tiwali ni Satanas ang tao? Sa kasamaang ginagawa ni Satanas sa mundo at sa sangkatauhan, alin bang mga tiyak na aspeto nito ang nakikita at nararamdaman ng mga tao? Naisip na ba ninyo dati ang tungkol dito? Maaaring hindi pa ninyo ito pinag-iisipan nang husto, kaya hayaan ninyo Akong talakayin ang ilang pangunahing punto. Alam naman ng lahat ang tungkol sa teorya ng ebolusyon na ipinapanukala ni Satanas, tama? Hindi ba’t isa itong larangan ng kaalaman na pinag-aaralan ng tao? (Oo.) Ginagamit muna ni Satanas ang kaalaman upang gawing tiwali ang tao, at tinuturuan sila ng kaalaman gamit ang sariling mga masasamang pamamaraan nito. Pagkatapos ay ginagamit nito ang siyensya upang gawing tiwali ang tao, pinupukaw ang kanilang interes sa kaalaman, siyensya, misteryosong mga bagay, o sa mga bagay na ninanasa ng mga tao na alamin. Ang mga kasunod na bagay na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang tao ay ang tradisyunal na kultura at pamahiin, at sunod dito, ang mga kalakaran sa lipunan. Lahat ng ito ay mga bagay na nararanasan ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, at lahat ng ito ay may malapit na kaugnayan sa mga tao; nakaugnay silang lahat sa mga bagay na kanilang nakikita, kanilang naririnig, kanilang nahahawakan at kanilang nararanasan. Maaaring sabihin na nabubuhay ang bawat isang tao na napalilibutan ng mga bagay na ito, na hindi nagagawang matakasan o makalaya mula sa mga ito kahit na ninanais nila. Sa harap ng mga bagay na ito, walang magawa ang sangkatauhan, at ang tanging magagawa ng tao ay magpaimpluwensiya, magpahawa, magpakontrol, at magpagapos sa mga bagay na ito; walang kapangyarihan ang tao na makalaya mula sa sa mga ito.

a. Paano Ginagamit ni Satanas ang Kaalaman Upang Gawing Tiwali ang Tao

Una, pag-uusapan natin ang tungkol sa kaalaman. Ang kaalaman ba ay itinuturing ng lahat na isang positibong bagay? Kahit paano, iniisip ng mga tao na ang salitang “kaalaman” ay nagpapahiwatig ng positibo kaysa negatibo. Kaya bakit natin binabanggit dito na gumagamit si Satanas ng kaalaman upang gawing tiwali ang tao? Ang teorya ng ebolusyon ba ay isang aspeto ng kaalaman? Hindi ba’t ang mga batas ng siyensya ni Newton ay bahagi ng kaalaman? Ang paghila ng grabidad ng daigdig ay bahagi ng kaalaman, hindi ba? (Oo.) Kung gayon, bakit inililista ang kaalaman na kasama sa mga bagay na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang sangkatauhan? Ano ang pananaw ninyo dito? Mayroon bang kahit katiting na katotohanan sa kaalaman? (Wala.) Kung gayon, ano ang diwa ng kaalaman? Sa anong basehan natututuhan ng tao ang lahat ng kaalamang kanyang napag-aaralan? Ito ba ay batay sa teorya ng ebolusyon? Hindi ba’t nakabatay sa ateismo ang kaalaman na natamo ng tao sa pamamagitan ng pagsisiyasat at pagbubuod? Mayroon bang kaugnayan sa Diyos ang alinman sa kaalamang ito? May kaugnayan ba ito sa pagsamba sa Diyos? Ito ba ay konektado sa katotohanan? (Hindi.) Kung gayon, paano ginagamit ni Satanas ang kaalaman upang gawing tiwali ang tao? Kasasabi Ko lang na walang anuman sa kaalamang ito ang kaugnay ng pagsamba sa Diyos o katotohanan. Ganito ito iniisip ng ilang tao: “Maaaring walang kinalaman sa katotohanan ang kaalaman, ngunit hindi pa rin nito ginagawang tiwali ang mga tao.” Ano ang inyong pananaw rito? Tinuruan ka ba ng kaalaman na ang kaligayahan ng tao ay nakadepende sa malilikha gamit ang kanyang sariling mga kamay? Tinuruan ka ba ng kaalaman na ang kapalaran ng tao ay nasa kanyang sariling mga kamay? (Oo.) Anong uri ng pagsasalita ito? (Ito ay mala-diyablong pagsasalita.) Tumpak na tumpak! Ito ay mala-diyablong pagsasalita! Kumplikadong paksa ang kaalaman kung tatalakayin. Maaari mong ipalagay na ang isang larangan ng kaalaman ay walang iba kundi kaalaman lamang. Iyon ay isang larangan ng kaalaman na natututuhan batay sa hindi pagsamba sa Diyos at kakulangan ng pagkaunawa na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay. Kapag pinag-aaralan ng mga tao ang ganitong uri ng kaalaman, hindi nila nakikita ang pagkakaroon ng Diyos ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay; hindi nila nakikita ang Diyos na namumuno o namamahala sa lahat ng bagay. Sa halip, ang tangi nilang ginagawa ay walang humpay na pananaliksik at pagsisiyasat sa larangang iyon ng kaalaman, at paghahanap ng mga kasagutan batay sa kaalaman. Gayunpaman, hindi ba’t kung hindi naniniwala ang mga tao sa Diyos at sa halip ay nagpapatuloy lamang sa pananaliksik, hindi sila kailanman makakahanap ng mga totoong kasagutan? Ang tanging maibibigay sa iyo ng kaalaman ay kabuhayan, trabaho, at kita upang hindi ka magutom; ngunit hindi ka nito kailanman pasasambahin sa Diyos, at hindi ka nito kailanman ilalayo sa kasamaan. Habang lalong pinag-aaralan ng mga tao ang kaalaman, lalo nilang nanaising magrebelde sa Diyos, upang isailalim ang Diyos sa kanilang pagsasaliksik, upang tuksuhin ang Diyos, at kalabanin ang Diyos. Kaya ngayon, ano ang ating nakikita na itinuturo ng kaalaman sa mga tao? Ang lahat ng ito ay pilosopiya ni Satanas. Mayroon bang kaugnayan sa katotohanan ang mga pilosopiya at mga panuntunan para patuloy na mabuhay na ikinakalat ni Satanas sa mga tiwaling tao? Walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan at, sa katunayan, ito ay mga kabaligtaran ng katotohanan. Madalas sinasabi ng mga tao na “Ang buhay ay paggalaw” at “Ang tao ay bakal, ang kanin ay bakal, ang tao ay nakakaramdam ng pagkagutom kapag lumalaktaw siya ng pagkain”; ano ang mga kasabihang ito? Ang mga ito ay kasinungalingan, at nakakainis na marinig ang mga ito. Sa tinaguriang kaalaman ng tao, nagpakalat si Satanas ng marami-raming pilosopiya nito sa pamumuhay at sa pag-iisip. At habang ginagawa ito ni Satanas, pinahihintulutan nito ang tao na tanggapin ang pag-iisip, pilosopiya, at pananaw nito upang maaaring itanggi ng tao na mayroong Diyos, itanggi ang kapamahalaan ng Diyos sa lahat ng bagay at sa kapalaran ng tao. Kaya’t habang sumusulong ang pag-aaral ng tao at nagtatamo siya ng mas maraming kaalaman, nararamdaman niyang malabong mayroong Diyos at maaari pang hindi na niya maramdaman na mayroong Diyos. Dahil naikintal ni Satanas ang ilang kaisipan, pananaw, at haka-haka sa tao, kapag naikintal ni Satanas ang lason na ito sa kalooban ng tao, hindi ba niloko at ginawang tiwali ni Satanas ang tao? Kung gayo’y saan sa palagay mo naaayon ang pamumuhay ng tao? Hindi ba sila namumuhay ayon sa kaalaman at mga kaisipang ikinintal ni Satanas? At ang mga bagay na nakatago sa loob ng kaalaman at mga kaisipang ito—hindi ba mga pilosopiya at lason ni Satanas ang mga ito? Ang tao ay namumuhay ayon sa mga pilosopiya at lason ni Satanas. At ano ang nasa kaibuturan ng pagtitiwali ni Satanas sa tao? Nais ni Satanas na hikayatin ang tao na itatwa, salungatin, at labanan ang Diyos na tulad ng ginagawa nito; ito ang layunin ni Satanas sa pagtitiwali sa tao, at ito rin ang paraan ng pagtiwali ni Satanas sa tao.

Pag-uusapan muna natin ang pinakamababaw na aspeto ng kaalaman. Nagagawa bang tiwali ng gramatika at mga salita sa mga wika ang mga tao? Magagawa bang tiwali ng mga salita ang mga tao? Hindi ginagawang tiwali ng mga salita ang mga tao; ang mga ito ay kasangkapan na ginagamit ng mga tao upang magsalita at kasangkapan din ang mga ito na ginagamit ng mga tao upang makipag-ugnayan sa Diyos, dagdag pa rito na sa kasalukuyan, ang wika at mga salita ay paraan kung paano nakikipag-ugnayan ang Diyos sa mga tao. Ang mga ito ay kasangkapan, at ang mga ito ay pangangailangan. Ang isa kapag dinagdagan ng isa ay dalawa, at ang dalawa kapag minultiplika sa dalawa ay katumbas ng apat; hindi ba ito kaalaman? Ngunit maaari ka ba nitong gawing tiwali? Ito ay kaalamang alam ng marami—ito ay permanenteng tularan—kaya’t hindi nito kayang gawing tiwali ang mga tao. Kung gayon, anong uri ng kaalaman ang gumagawang tiwali sa mga tao? Ang kaalaman na nakakapagpatiwali ay iyong nahaluan ng mga pananaw at kaisipan ni Satanas. Sinisikap ni Satanas na ilagay ang mga pananaw at kaisipang ito sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kaalaman. Halimbawa, sa isang artikulo, walang mali sa nakasulat na mga salita. Ang problema ay nasa mga pananaw at layon ng may-akda noong isinulat niya ang artikulo, pati na rin sa nilalaman ng kanyang mga kaisipan. Ang mga ito ay espirituwal na mga bagay at kayang gawing tiwali ang mga tao. Halimbawa, kung nanonood ka ng palabas sa telebisyon, anong mga bagay rito ang kayang makapagpabago ng pananaw ng mga tao? Iyon bang sinabi ng mga nagtanghal, ang mismong mga salita, ay magagawang tiwali ang mga tao? (Hindi.) Anong mga bagay ang magagawang tiwali ang mga tao? Iyon ay ang mga kaibuturang kaisipan at nilalaman ng palabas, na kumakatawan sa mga pananaw ng direktor. Ang impormasyong taglay ng mga pananaw na ito ay kayang baguhin ang mga puso at isip ng mga tao. Hindi ba ganoon iyon? Ngayon ay alam na ninyo kung ano ang Aking tinutukoy sa Aking pagtalakay ng paggamit ni Satanas ng kaalaman upang gawing tiwali ang mga tao. Hindi kayo magkakamali ng pagkaunawa, hindi ba? Kaya sa susunod na magbasa ka ng isang nobela o isang artikulo, magagawa mo bang suriin kung ang mga kaisipang ipinahayag sa nakasulat na mga salita ay ginagawang tiwali ang sangkatauhan o nag-aambag sa sangkatauhan? (Oo, bahagya.) Ito ay isang bagay na kailangang pag-aralan at maranasan nang dahan-dahan, hindi ito bagay na madaling maunawaan kaagad. Halimbawa, kapag nagsasaliksik o pinag-aaralan ang isang larangan ng kaalaman, ang ilang positibong aspeto ng kaalamang iyon ay maaari kang tulungang maintindihan ang ilang pangkalahatang kaalaman tungkol sa larangang iyon, habang tinutulutan ka ring malaman kung ano ang dapat iwasan ng mga tao. Halimbawa, tingnan natin ang “kuryente”—ito ay isang larangan ng kaalaman, hindi ba? Hindi ka ba mangmang kung hindi mo alam na makukuryente at masasaktan ng elektrisidad ang mga tao? Ngunit kapag naunawaan mo na ang larangang ito ng kaalaman, hindi ka na magiging walang-ingat sa paghawak ng anumang bagay na may kuryente, at malalaman mo na kung paano gumamit ng kuryente. Ang mga ito ay parehong positibong mga bagay. Nalinawan ka na ba tungkol sa ating tinatalakay kung paanong ginagawang tiwali ng kaalaman ang mga tao? Maraming uri ng kaalaman ang pinag-aaralan sa mundo, at dapat kayong gumugol ng oras upang makita ninyo mismo ang pagkakaiba ng mga ito.

b. Paano Ginagamit ni Satanas ang Siyensya Upang Gawing Tiwali ang Tao

Ano ang siyensya? Hindi ba’t mataas at malalim ang turing ng lahat ng tao sa siyensya? Kapag nababanggit ang siyensya, hindi ba’t nararamdaman ng mga tao na: “Ito ay isang bagay na hindi maaabot ng mga karaniwang tao; ito ay isang paksang tanging mga siyentipikong mananaliksik o mga eksperto lamang ang makatatalakay; wala itong anumang kinalaman sa ating mga karaniwang tao”? Mayroon ba itong kaugnayan sa mga karaniwang tao? (Mayroon.) Paano ginagamit ni Satanas ang siyensya upang gawing tiwali ang mga tao? Sa ating pagtalakay rito, pag-uusapan lamang natin ang mga bagay na madalas makaharap ng mga tao sa kanilang sariling mga buhay, at isasantabi ang ibang mga bagay. Mayroong salitang “genes.” Narinig na ba ninyo ang tungkol dito? Pamilyar na kayong lahat sa terminong ito. Hindi ba’t natuklasan ang genes sa pamamagitan ng siyensya? Ano ba talaga ang kahalagahan ng genes sa mga tao? Hindi ba nito ipinaparamdam sa mga tao na ang katawan ay isang misteryosong bagay? Kapag ang mga tao ay ipinakilala sa paksang ito, hindi ba magkakaroon ng ilang tao—lalo na iyong mga mausisa—na magnanais na makaalam ng iba pa at ng karagdagan pang mga detalye? Itutuon ng mauusisang taong ito ang kanilang lakas sa paksang ito at kapag wala silang ibang ginagawa, maghahanap sila ng mga impormasyon mula sa mga aklat at mula sa internet upang matuto ng mas marami pang detalye ukol dito. Ano ang siyensya? Sa madaling sabi, ang siyensya ay ang mga kaisipan at mga teorya ng mga bagay na inuusisa ng tao, mga bagay na lingid sa kaalaman, at hindi sinabi sa kanila ng Diyos; ang siyensya ay ang mga kaisipan at mga teorya ng mga misteryo na nais siyasatin ng tao. Ano ang sakop ng siyensya? Maaari mong sabihin na malawak ito; sinasaliksik at pinag-aaralan ng tao ang lahat ng bagay na interesado siya. Kinapapalooban ang siyensya ng pananaliksik ng mga detalye at mga batas ng mga bagay na ito at ng pagpapalabas ng mga kapani-paniwalang teoryang nagsasanhi upang mag-isip ang lahat ng: “Ang mga siyentipikong ito ay talagang nakamamangha! Napakarami nilang alam, sapat na upang maunawaan ang mga bagay na ito!” Labis ang paghanga nila sa mga siyentipiko, hindi ba? Ano ang mga pananaw na tinataglay ng mga taong nagsasaliksik tungkol sa siyensya? Hindi ba’t nais nilang saliksikin ang tungkol sa sansinukob, saliksikin ang mga misteryosong bagay sa larangan na kinawiwilihan nila? Ano ang kalalabasan nito sa huli? Sa ilang larangan ng siyensya, binubuo ng mga tao ang kanilang mga konklusyon sa pamamagitan ng haka-haka, at sa iba naman ay umaasa sila sa karanasan ng tao para makabuo ng mga konklusyon. Sa iba pang larangan ng siyensya, humahantong sa kanilang mga konklusyon ang mga taong ito batay sa obserbasyong pangkasaysayan at pangkapaligiran. Hindi ba tama ito? Kaya ano ang nagagawa ng siyensya para sa mga tao? Ang nagagawa lamang ng siyensya ay pahintulutan ang mga tao na makita ang mga bagay sa pisikal na mundo, at bigyang-kasiyahan ang pagkamausisa ng tao, ngunit hindi nito mabibigyan ng kakayahan ang tao na makita ang mga batas kung saan ay may kapamahalaan ang Diyos sa lahat ng bagay. Tila nakakahanap ang tao ng mga kasagutan mula sa siyensya, ngunit ang mga kasagutang iyon ay nakalilito at nagdadala lamang ng panandaliang kasiyahan, kasiyahan na nagkukulong lamang sa puso ng tao sa pisikal na mundo. Nararamdaman ng tao na nakakuha sila ng mga kasagutan mula sa siyensya, kaya naman anumang usapin ang lumitaw, ginagamit nila ang kanilang mga siyentipikong pananaw para patunayan o tanggapin ang isyung iyon. Naaakit ng siyensya ang puso ng tao at ito ay naaangkin nito hanggang sa hindi na iniintindi ng tao na makilala ang Diyos, sambahin ang Diyos, at paniwalaan na ang lahat ng bagay ay nanggagaling sa Diyos at dapat na sa Kanya maghanap ang tao ng mga kasagutan. Hindi ba ito totoo? Habang lalong naniniwala ang isang tao sa siyensya, mas lalo silang nagiging kakatwa, naniniwalang ang lahat ay may siyentipikong solusyon, na lahat ay kayang lutasin ng pananaliksik. Hindi nila hinahanap ang Diyos at hindi sila naniniwala na mayroong Diyos. Maraming matagal nang mananampalataya sa Diyos na gagamit ng computer, kapag naharap sa anumang problema, para maghanap at magsaliksik para sa mga sagot; naniniwala lamang sila sa siyentipikong kaalaman. Hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, hindi sila naniniwala na malulutas ng mga salita ng Diyos ang lahat ng problema ng sangkatauhan, hindi nila tinitingnan ang napakaraming problema ng sangkatauhan mula sa pananaw ng katotohanan. Anumang problema ang kanilang nakakaharap, hindi sila nagdarasal sa Diyos kailanman o naghahanap ng solusyon sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa katotohanan sa mga salita ng Diyos. Sa maraming bagay, mas gusto nilang maniwala na kaalaman ang makakalutas sa problema; para sa kanila, ang siyensya ang huling sagot. Ganap na wala ang Diyos sa puso ng gayong mga tao. Wala silang pananampalataya, at ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos ay hindi naiiba sa maraming kilalang guro at siyentipiko, na laging sumusubok na suriin ang Diyos gamit ang mga pamamaraan ng siyensya. Halimbawa, maraming eksperto sa relihiyon ang nakapunta na sa bundok kung saan napadpad ang arko, at sa gayon ay napatunayan nila na mayroon ngang arko. Ngunit hindi nila nakikita na mayroong Diyos sa paglitaw ng arko. Naniniwala lamang sila sa mga kuwento at sa kasaysayan; ito ang resulta ng kanilang siyentipikong pananaliksik at pag-aaral ng pisikal na mundo. Kung nagsasaliksik ka sa mga materyal na bagay, maging ito man ay mikrobiyolohiya, astronomiya, o heograpiya, hindi mo kailanman mahahanap ang isang resulta na nagsasabing umiiral ang Diyos o na mayroon Siyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kung gayon, ano ang ginagawa ng siyensya para sa tao? Hindi ba nito inilalayo ang tao mula sa Diyos? Hindi ba ito nagsasanhi sa mga tao na isailalim sa pag-aaral ang Diyos? Hindi ba nito mas pinagdududa ang mga tao sa kairalan at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at sa gayon ay itinatatwa at pinagtataksilan ang Diyos? Ito ang kinahinatnan. Kaya kapag ginagamit ni Satanas ang siyensya upang gawing tiwali ang tao, anong layunin ang sinisikap na makamit ni Satanas? Gusto nitong gamitin ang mga konklusyong siyentipiko upang linlangin at gawing manhid ang mga tao, at gamitin ang mga hindi tiyak na kasagutan upang mahawakan ang puso ng mga tao para hindi na sila maghanap pa o maniwala na mayroong Diyos. Ito ang dahilan kaya natin sinasabi na ang siyensya ay isa sa mga paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao.

c. Paano Ginagamit ni Satanas ang Tradisyunal na Kultura Upang Gawing Tiwali ang Tao

Marami ba o hindi ang mga bagay na itinuturing na bahagi ng tradisyunal na kultura? (Marami.) Ano ang kahulugan ng “tradisyunal na kulturang” ito? Sinasabi ng ilan na ito ay ipinamana ng mga ninuno—ito ay isang aspeto. Mula sa simula, ang mga pamamaraan ng pamumuhay, mga kaugalian, mga kasabihan, at mga alituntunin ay naipamana sa loob ng mga pamilya, mga katutubong grupo at maging sa buong sangkatauhan, at naitanim na sa kaisipan ng mga tao ang mga ito. Itinuturing ng mga tao na hindi maaaring mawala sa kanilang buhay ang mga ito at itinuturing nila ang mga ito bilang mga alituntunin, sinusunod na para bang ang mga ito ay ang buhay mismo. Sa katunayan, ayaw pa nga nilang baguhin o pabayaan ang mga bagay na ito, dahil ipinamana ang mga ito ng kanilang mga ninuno. Mayroong iba pang mga aspeto ng tradisyunal na kultura na nakatanim sa kabuto-butuhan ng mga tao, kagaya ng mga bagay na ipinamana nina Confucius at Mencius, at ang mga bagay na itinuro sa mga tao ng Taoismo at Confucianismo. Hindi ba ganoon iyon? Ano ang mga bagay na kabilang sa tradisyunal na kultura? Kasama ba rito ang mga kapistahan na ipinagdiriwang ng mga tao? Halimbawa: ang Pagdiriwang ng Tagsibol, ang Kapistahan ng mga Parol, Araw ng Paglilinis ng Puntod, ang Pista ng Bangkang Dragon, gayundin ang Kapistahan ng mga Multo at Pagdiriwang ng Kalagitnaan ng Taglagas. Ang ilang pamilya ay nagdiriwang pa nga kapag ang mga nakatatanda ay umabot sa isang partikular na edad, o kapag ang mga bata ay nakaabot na ng isang buwan o isang daang araw na gulang. At marami pa. Ang lahat ng ito ay tradisyunal na mga kapistahan. Wala bang tradisyunal na kulturang pinagbabatayan ang mga kapistahang ito? Ano ang kaibuturan ng tradisyunal na kultura? Mayroon ba itong anumang kaugnayan sa pagsamba sa Diyos? Mayroon ba itong anumang kinalaman sa pagsasabi sa mga tao na isagawa ang katotohanan? Mayroon bang anumang mga kapistahan para sa mga tao upang mag-alay ng sakripisyo sa Diyos, magtungo sa altar ng Diyos at tanggapin ang Kanyang mga turo? Mayroon bang ganitong mga kapistahan? (Wala.) Ano ang ginagawa ng mga tao sa lahat ng kapistahang ito? Sa modernong panahon, ang mga ito ay itinuturing na mga okasyon para sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya. Ano ang pinagmumulan ng pinagbabatayan ng tradisyunal na kultura? Kanino nanggaling ang tradisyunal na kultura? Ito ay mula kay Satanas. Sa likod ng mga tradisyunal na kapistahang ito, itinatanim ni Satanas ang ilang bagay-bagay sa tao. Ano ang mga bagay na ito? Ang pagtitiyak na natatandaan ng mga tao ang kanilang mga ninuno—ito ba ay isa sa mga ito? Halimbawa, sa Araw ng Paglilinis ng Puntod, naglilinis ang mga tao ng mga nitso at nag-aalay ng mga sakripisyo sa kanilang mga ninuno, upang hindi nila malimutan ang kanilang mga ninuno. Dagdag pa rito, sinisiguro ni Satanas na naaalala ng mga tao na maging makabayan, halimbawa na ang Pista ng Bangkang Dragon. Ano naman ang sa Pagdiriwang ng Kalagitnaan ng Taglagas? (Mga muling pagsasama-sama ng pamilya.) Ano ang mga pangyayari sa likod ng mga pagsasama-sama ng pamilya? Ano ang dahilan nito? Ito ay upang makipag-usap at emosyonal na makipag-ugnayan. Siyempre, maging ito man ay pagdiriwang ng Bagong Taon ng mga Tsino o ng Kapistahan ng mga Parol, maraming paraan ng paglalarawan ng mga dahilan sa likod ng mga pagdiriwang na ito. Paano man inilalarawan ng isang tao ang mga dahilan na iyon, ang bawat isa ay paraan ni Satanas ng pagtatanim ng pilosopiya at pag-iisip nito sa mga tao, upang lumayo sila sa Diyos at hindi na malaman na mayroong Diyos, at mag-alay sila ng mga sakripisyo sa kanilang mga ninuno o kay Satanas, o kumain, uminom, at magsaya para sa kapakanan ng pagnanasa ng laman. Habang ipinagdiriwang ang bawat isa sa mga kapistahang ito, ang mga kaisipan at pananaw ni Satanas ay natatanim nang malalim sa isip ng mga tao nang hindi nila nalalaman. Kapag umabot ang mga tao sa mga edad na apatnapu, limampu o higit pa, ang mga kaisipan at pananaw na ito ni Satanas ay nakaugat na nang malalim sa kanilang mga puso. Higit pa rito, ginagawa ng mga tao ang lahat ng magagawa nila upang maibahagi ang mga ideyang ito, tama man ito o mali, papunta sa susunod na henerasyon nang walang pasubali, nang walang pag-aatubili. Hindi ba ganoon iyon? (Oo.) Paano ginagawang tiwali ang mga tao ng tradisyunal na kultura at ng mga kapistahang ito? Alam ba ninyo? (Napipigilan ang mga tao at natatali ng mga alituntunin ng mga tradisyong ito hanggang wala na silang oras o lakas na hanapin ang Diyos.) Ito ay isang aspeto. Halimbawa, nagdiriwang ang lahat sa Bagong Taon ng mga Tsino—kung hindi mo ito ipinagdiwang, hindi ba’t malulungkot ka? Mayroon bang mga pamahiin na pinanghahawakan mo sa iyong puso? Maaari bang nararamdaman mong, “Hindi ako nagdiwang ng Bagong Taon, at dahil ang Bagong Taon ng mga Tsino ay hindi kanais-nais na araw para sa akin, hindi ba’t ang buong taon na ito ay hindi rin magiging maganda”? Hindi ba’t hindi ka mapapalagay at medyo matatakot? Mayroon pa ngang ilang tao na hindi nakagawa ng mga sakripisyo sa kanilang mga ninuno sa loob ng ilang taon at bigla silang nagkaroon ng panaginip kung saan ang isang namatay nang tao ay humihingi sa kanila ng salapi. Ano ang mararamdaman nila? “Nakakalungkot na ang namayapang taong ito ay nangangailangan ng salapi para gastusin! Magsusunog ako ng pera ng espiritu para sa kanya. Kapag hindi ko ginawa ito, hindi iyon magiging tama. Maaaring magdulot ito ng kaguluhan para sa ating nabubuhay—sino ang makapagsasabi kung kailan aatake ang kamalasan?” Palagi silang magkakaroon ng ganitong maliit na ulap ng takot at pangamba sa kanilang mga puso. Sino ang nagbibigay sa kanila ng pangambang ito? Si Satanas ang pinagmumulan ng pag-aalalang ito. Hindi ba ito ang isa sa mga paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang tao? Gumagamit ito ng iba’t ibang pamamaraan at pagdadahilan upang kontrolin ka, takutin ka, at igapos ka, nang sa gayon ay mahulog ka sa kalituhan at sumuko at magpasakop dito; ganito ginagawang tiwali ni Satanas ang tao. Kadalasan, kapag ang mga tao ay mahina o kapag wala silang lubos na kamalayan sa sitwasyon, maaari silang gumawa ng isang bagay nang hindi sinasadya sa paraang naguguluhan ang isip; ibig sabihin, hindi sinasadyang nahuhulog sila sa galamay ni Satanas at maaari silang kumilos nang hindi nila namamalayan, maaaring gumawa ng mga bagay nang hindi nila alam kung ano ang kanilang ginagawa. Ito ang paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao. Mayroon pa ngang marami-raming tao ngayon na nag-aatubiling humiwalay sa malalim na naka-ugat nang tradisyunal na kultura, na sadyang hindi kayang isuko ito. Kapag sila ay nanghihina at walang kibo ay mas lalo nilang nais na ipagdiwang ang ganitong mga uri ng kapistahan at nais nilang makatagpo si Satanas at pasayahing muli si Satanas, upang aliwin ang kanilang mga puso. Ano ang mga pangyayaring nasa likod ng tradisyunal na kultura? Ang itim na kamay ba ni Satanas ang kumokontrol ng mga ito nang palihim? Ang likas bang kasamaan ni Satanas ay mapagmanipula at mapagkontrol? May impluwensiya ba si Satanas sa lahat ng ito? (Oo.) Kapag namumuhay ang mga tao sa isang tradisyunal na kultura at nagdiriwang ng ganitong mga uri ng tradisyunal na kapistahan, maaari ba nating sabihin na ito ay isang kapaligiran kung saan sila ay nililinlang at ginagawang tiwali ni Satanas, at dagdag pa rito, na sila ay masaya na malinlang at magawang tiwali ni Satanas? (Oo.) Ito ay isang bagay na kinikilala ninyong lahat, isang bagay na alam ninyo.

d. Paano Gumagamit si Satanas ng Pamahiin Upang Gawing Tiwali ang Tao

Pamilyar kayo sa terminong “pamahiin,” tama? Mayroong ilang kaugnayan sa pagitan ng pamahiin at ng tradisyunal na kultura, ngunit hindi natin pag-uusapan ang tungkol doon ngayon. Sa halip, Aking tatalakayin ang pinakakaraniwang mga anyo ng pamahiin: panghuhula, pagbabasa ng kapalaran, pagsusunog ng insenso, at pagsamba kay Buddha. Ang ilang tao ay nagsasagawa ng panghuhula, ang iba ay sumasamba kay Buddha at nagsusunog ng insenso, habang ang iba ay nagpapabasa ng kanilang mga kapalaran o ipinapabasa sa isang tao ang mga katangian ng kanilang mukha para malaman ang kanilang mga kapalaran. Ilan sa inyo ang nagpabasa na ng inyong mga kapalaran o nagpabasa ng mukha? Ito ay isang bagay na maraming tao ang interesado, hindi ba? (Oo.) Bakit? Anong uri ng benepisyo ang nakukuha ng mga tao mula sa pagpapabasa ng kapalaran at pagpapahula? Anong uri ng kasiyahan ang kanilang nakukuha mula rito? (Pagkamausisa.) Ito ba ay pagkamausisa lamang? Sa nakikita Ko ay hindi kinakailangang ito lamang. Ano ang layon ng panghuhula at pagbabasa ng kapalaran? Bakit ito ginagawa? Hindi ba ito ay upang makita ang hinaharap? Ang ilang tao ay ipinapabasa ang kanilang mukha upang hulaan ang hinaharap, ang iba ay ginagawa ito upang makita kung magkakaroon sila ng magandang kapalaran o hindi. Ang ilang tao ay ginagawa ito upang makita kung anong uri ng pag-aasawa ang magkakaroon sila, at ang iba pa nga ay ginagawa ito upang makita kung anong suwerte ang dadalhin ng kasunod na taon. Ang ilang tao ay ipinapabasa ang kanilang mukha upang makita kung ano ang magiging hinaharap nila at ng kanilang mga anak, at ang ilang negosyante ay ginagawa ito upang makita kung gaano karaming pera ang kanilang kikitain, na hinahangad ang gabay ng mga nagbabasa ng mukha sa kung ano ang kanilang dapat gawin. Ito ba ay ginagawa lamang upang bigyang-kasiyahan ang pagkamausisa? Kapag ipinababasa ng mga tao ang kanilang mukha o gumagawa ng ganitong uri ng mga bagay, ito ay para sa kanilang pansariling kapakanan sa hinaharap; naniniwala sila na lahat ng ito ay may malapit na kaugnayan sa kanilang sariling kapalaran. Kapaki-pakinabang ba ang alinman sa mga ito? (Hindi.) Bakit hindi ito kapaki-pakinabang? Hindi ba magandang bagay na magtamo ng ilang kaalaman sa pamamagitan ng mga bagay na ito? Maaari kang tulungan ng mga kaugaliang ito na malaman kung kailan maaaring magkaroon ng kaguluhan, at kapag nalaman mo ang tungkol sa mga kaguluhang ito bago mangyari ang mga ito, hindi ba’t maaari mong iwasan ang mga ito? Kung magpapahula ka, maaaring ipakita nito sa iyo kung paano mahanap ang tamang daan palabas sa kalituhan, upang maaari mong matamasa ang suwerte sa susunod na taon at magkamit ng malaking kayamanan sa pagpapatakbo ng negosyo mo. Nakakatulong ba iyon o hindi? Nakakatulong man iyon o hindi ay walang kaugnayan sa atin, at hindi kasama sa ating pagbabahaginan ngayon ang paksang ito. Paano gumagamit si Satanas ng pamahiin upang gawing tiwali ang tao? Nais ng lahat ng tao na malaman ang kanilang kapalaran, kaya’t sinasamantala ni Satanas ang kanilang pagkamausisa upang akitin sila. Ang mga tao ay nagpapahula, nagpapabasa ng kapalaran, at nagpapabasa ng mukha upang malaman nila kung ano ang mangyayari sa kanila sa hinaharap at kung ano ang hitsura ng daan paroon. Ngunit sa huli, nasa kaninong mga kamay ang kapalaran at hinaharap na labis na inaalala ng mga tao? (Sa mga kamay ng Diyos.) Ang lahat ng bagay na ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Sa paggamit ng mga pamamaraang ito, ano ang gusto ni Satanas na ipabatid sa mga tao? Nais ni Satanas na gamitin ang pagbabasa ng mukha at pagbabasa ng kapalaran upang sabihin sa mga tao na alam nito ang kanilang kapalaran sa hinaharap, at hindi lang nito alam ang mga ganitong bagay kundi ay kontrolado rin ang mga ito. Gustong samantalahin ni Satanas ang oportunidad na ito at gamitin ang mga pamamaraang ito upang kontrolin ang mga tao, kaya ang mga tao ay naglalagay ng bulag na paniniwala rito at sinusunod ang bawat salita nito. Halimbawa, kung nagpabasa ka ng iyong mukha, kung ipinikit ng manghuhula ang kanyang mga mata at sasabihin sa iyo ang lahat ng nangyari sa iyo sa nakalipas na huling ilang dekada nang may perpektong kalinawan, ano ang mararamdaman mo sa iyong kalooban? Agad mong mararamdaman na, “Tumpak na tumpak siya! Hindi ko kailanman ipinagsabi ang aking nakaraan sa kahit kanino, paano niya nalaman ang tungkol dito? Talagang hinahangaan ko ang manghuhulang ito!” Para kay Satanas, hindi ba napakadaling malaman ang iyong nakaraan? Inakay ka ng Diyos kung nasaan ka ngayon, at sa buong panahon na iyon ay ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao at sinusundan ka. Ang paglipas ng mga dekada ng iyong buhay ay wala lang kay Satanas at hindi mahirap para kay Satanas na malaman ang mga bagay na ito. Kapag nalaman mo na ang lahat ng sinasabi ni Satanas ay tumpak, hindi mo ba ibinibigay ang puso mo rito? Hindi ka ba umaasa na pamamahalaan nito ang iyong kinabukasan at kapalaran? Sa isang iglap, ang iyong puso ay makakaramdam ng kaunting respeto o paggalang dito, at para sa ilang tao, ang kanilang mga kaluluwa ay maaaring naagaw na nito sa puntong ito. At iyong tatanungin kaagad ang manghuhula: “Ano ang sunod na dapat kong gawin? Ano ang dapat kong iwasan sa susunod na taon? Anong mga bagay ang hindi ko dapat gawin?” At pagkatapos, sasabihin niya, “Hindi ka dapat pumunta roon, hindi mo dapat gawin ito, huwag magsuot ng mga damit na may isang partikular na kulay, dapat bawasan mo ang pagpunta sa mga partikular na lugar, dapat mong gawin nang mas madalas ang ilang bagay….” Hindi mo ba kaagad isasapuso ang lahat ng kanyang sinasabi? Makakabisa mo ang kanyang mga salita nang mas mabilis kaysa sa salita ng Diyos. Bakit mo makakabisa ang mga ito nang mabilis? Dahil gusto mo na umasa kay Satanas para sa suwerte. Hindi ba ito ang sandaling sinusunggaban nito ang iyong puso? Kapag sunud-sunod na nagkakatotoo ang mga hula nito, hindi mo ba gugustuhing bumalik dito upang malaman kung anong suwerte ang dadalhin ng susunod na taon? (Oo.) Gagawin mo ang kahit anong sabihin ni Satanas na gawin mo at iiwasan mo ang mga sinasabi nitong iwasan mo. Sa ganitong paraan, hindi mo ba sinusunod ang lahat ng sinasabi nito? Napakabilis mong mahuhulog sa yakap nito, malilinlang, at mapapasailalim sa kontrol nito. Nangyayari ito dahil pinaniniwalaan mo na totoo ang mga sinasabi nito at dahil pinaniniwalaan mong alam nito ang tungkol sa iyong mga dating buhay, ang iyong buhay sa kasalukuyan, at kung ano ang magiging hinaharap. Ito ang pamamaraang ginagamit ni Satanas upang makontrol ang mga tao. Ngunit sa realidad, sino ang tunay na mayroong kontrol? Ang Diyos Mismo ang may kontrol, hindi si Satanas. Gumagamit lamang si Satanas ng mga matalinong pandaraya sa pagkakataong ito upang linlangin ang mga ignoranteng tao, linlangin ang mga tao na nakikita lamang ang pisikal na mundo, na maniwala at umasa rito. Pagkatapos nahuhulog sila sa galamay ni Satanas at sinusunod ang bawat salita nito. Ngunit niluluwagan ba ni Satanas ang hawak nito kapag gusto ng mga tao na maniwala at sumunod sa Diyos? Hindi. Sa ganitong sitwasyon, ang mga tao ba ay talagang nahuhulog sa galamay ni Satanas? (Oo.) Maaari ba nating sabihin na ang pag-uugali ni Satanas sa bagay na ito ay walang kahihiyan? (Oo.) Bakit natin masasabi iyon? Dahil ang mga ito ay huwad at mapanlinlang na mga taktika. Walang kahihiyan si Satanas at nililigaw nito ang mga tao sa pag-iisip na ito ang kumokontrol ng lahat ng tungkol sa kanila at na kontrolado nito ang kanilang mismong kapalaran. Dahil dito ang mga taong mangmang ay lubusang sumusunod dito. Naloloko sila sa iilang salita lamang. Sa kanilang pagkalito, yumuyuko ang mga tao sa harap nito. Kung gayon, anong uri ng mga pamamaraan ang ginagamit ni Satanas, ano ang sinasabi nito upang mahimok ka na maniwala rito? Halimbawa, maaaring hindi mo nasabi kay Satanas kung ilan ang miyembro ng iyong pamilya, ngunit maaari pa rin nitong masabi sa iyo kung ilan sila, pati ang mga edad ng iyong mga magulang at mga anak. Bagama’t maaaring nagkaroon ka ng mga hinala at pagdududa kay Satanas bago ito, hindi mo ba mararamdaman na ito ay medyo kapani-paniwala matapos marinig itong sinasabi ang mga bagay na ito? Pagkatapos ay maaaring sabihin ni Satanas kung gaano ka nahihirapan sa trabaho mo kamakailan, na ang iyong mga superyor ay hindi ibinibigay sa iyo ang pagkilala na nararapat para sa iyo at lagi kang kinokontra, at iba pa. Matapos marinig iyon, iisipin mo, “Tamang-tama iyan! Hindi nga maayos ang takbo ng mga bagay-bagay sa trabaho.” Kaya lalo kang maniniwala kay Satanas. Pagkatapos ay magsasabi ito ng iba pang bagay upang linlangin ka, na lalong magpapaniwala sa iyo rito. Paunti-unti, matatagpuan mo ang iyong sarili na hindi na ito matanggihan o hindi na mapaghinala rito. Gumagamit lamang si Satanas ng kaunting walang kuwentang panlalansi, maging ng mabababaw na mumunting pandaraya, at nililito ka sa ganitong paraan. Habang nalilito ka, hindi mo makukuhang mag-isip nang maayos, maguguluhan ka sa kung ano ang dapat gawin, at magsisimula kang sumunod sa sinasabi ni Satanas. Ito ang “napakahusay” na pamamaraang ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang tao, na nagiging sanhi ng hindi sinasadya mong pagkahulog sa patibong nito at maakit nito. Nagsasabi sa iyo si Satanas ng ilang bagay na inaakala ng mga tao na mabubuti, at saka sasabihin nito sa iyo kung ano ang gagawin at ano ang iiwasan. Sa ganitong paraan ka nalilinlang nang hindi mo nalalaman. Sa oras na mahulog ka rito, magiging mahirap na para sa iyo ang mga bagay-bagay; palagi mong iisipin ang sinabi ni Satanas at ano ang sinabi nitong gawin mo, at hindi mo mamamalayang nasasapian ka na nito. Bakit ganoon? Ito ay dahil nagkukulang ang sangkatauhan sa katotohanan kaya’t hindi nila magawang manindigan at lumaban sa panunukso at pang-aakit ni Satanas. Kapag nahaharap sa kasamaan ni Satanas at sa panlilinlang, pagtataksil, at malisya nito, napakamangmang ng sangkatauhan, wala sa kahustuhan ang isip at mahina, hindi ba? Hindi ba ito ay isa sa mga paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang tao? (Oo.) Ang tao ay paunti-unting nalilinlang at nadadaya nang hindi nila nalalaman, sa pamamagitan ng iba’t ibang mga pamamaraan ni Satanas, dahil kulang sila sa kakayahang makita ang pagkakaiba sa pagitan ng positibo at ng negatibo. Kulang sila sa ganitong tayog, at sa kakayahang mapagtagumpayan si Satanas.

e. Paano Ginagamit ni Satanas ang mga Kalakarang Panlipunan Upang Gawing Tiwali ang Tao

Kailan nagsimulang magkaroon ng mga kalakarang panlipunan? Ang mga ito ba ay bagong pangyayari? Maaaring sabihin na ang mga kalakarang panlipunan ay nauso noong nagsimula si Satanas na gawing tiwali ang mga tao. Ano ang saklaw ng mga kalakarang panlipunan? (Estilo ng pananamit at makeup.) Ito ay mga bagay na madalas na nakakaharap ng mga tao. Ang estilo ng pananamit, moda, at mga kalakaran—ang mga ito ay binubuo ang isang maliit na aspeto. Mayroon pa bang iba? Ang mga sikat na kasabihan bang madalas na inilalabas ng mga tao ay kasama rin? Ang mga estilo ba ng pamumuhay na ninanasa ng mga tao ay kasama? Ang mga bituin sa musika, sikat na personalidad, magasin, at nobela na gusto ng mga tao ay kasama ba? (Oo.) Sa inyong palagay, anong aspeto ng mga kalakarang panlipunan ang kayang gawing tiwali ang tao? Alin sa mga kalakarang ito ang pinaka-nakakaakit sa inyo? Sinasabi ng ilan: “Lahat tayo ay narating na ang partikular na edad, tayo ay nasa edad na limampu, animnapu, pitumpu, o walumpu, at hindi na natin kayang makibagay sa mga kalakarang ito at hindi na naaakit ang ating pansin ng mga ito.” Tama ba ito? Sinasabi ng iba: “Hindi namin sinusundan ang mga sikat na personalidad, iyon ay isang bagay na ginagawa lamang ng mga kabataan sa kanilang edad na dalawampu, hindi rin kami nagsusuot ng mga kasuotang sunod sa moda, iyon ay isang bagay na ginagawa ng mga mapag-alala sa kanilang imahe.” Alin sa mga ito ang kayang makapagpatiwali sa inyo? (Mga popular na kasabihan.) Kaya ba ng mga kasabihang ito na gawing tiwali ang mga tao? Magbibigay ako ng isang halimbawa, at tingnan ninyo kung kaya nitong gawing tiwali ang mga tao o hindi: “Pera ang nagpapaikot sa mundo”; ito ba ay isang kalakaran? Hindi ba ito mas masahol pa kumpara sa mga kalakaran sa moda at masasarap na pagkain na inyong binanggit? Pilosopiya ni Satanas ang “Pera ang nagpapaikot sa mundo.” Nangingibabaw ito sa buong sangkatauhan, sa bawat lipunan ng mga tao; maaari ninyong sabihin na ito ay isang kalakaran. Ito ay dahil ikinintal ito sa puso ng bawat isang tao, na sa una ay hindi tinanggap ang kasabihang ito, ngunit pagkatapos ay binigyan ito ng hayagang pagtanggap noong maranasan na nila ang tunay na buhay, at nagsimula nilang maramdaman na totoo nga ang mga salitang ito. Hindi ba ito proseso ni Satanas na ginagawang tiwali ang mga tao? Marahil hindi nauunawaan ng mga tao ang kasabihang ito sa parehas na antas, ngunit ang lahat ay mayroong magkakaibang mga antas ng interpretasyon at pagkilala sa kasabihang ito batay sa mga bagay na nangyari sa kanilang paligid at sa kanilang mga sariling karanasan. Hindi ba’t ganito ang sitwasyon? Gaano man karami ang karanasan ng isang tao sa kasabihang ito, ano ang negatibong epekto na maaaring maidulot nito sa puso ng isang tao? Nabubunyag ang isang bagay sa pamamagitan ng disposisyon ng mga tao sa mundong ito, kasama na ang bawat isa sa inyo. Ano ito? Ito ay pagsamba sa salapi. Mahirap bang alisin ito mula sa puso ng isang tao? Napakahirap nito! Tila sadyang napakalalim ng pagtitiwali ni Satanas sa mga tao! Ginagamit ni Satanas ang salapi upang tuksuhin ang mga tao, at tiwaliin silang sumamba sa salapi at ipagpitagan ang mga materyal na bagay. At paano naipapamalas sa mga tao ang pagsambang ito sa salapi? Inaakala ba ninyo na hindi niyo kayang manatiling buhay sa mundong ito nang walang salapi, na ang kahit isang araw na walang salapi ay imposible? Ang katayuan ng mga tao ay base sa kung gaano karaming salapi ang mayroon sila, gayundin ang paggalang na karapat-dapat sa kanila. Ang mga likod ng mahihirap ay nakayuko sa hiya, habang nagpapakasasa ang mayayaman sa kanilang mataas na katayuan. Nakatayo sila nang tuwid at nagmamalaki, nagsasalita nang malakas at namumuhay nang may pagmamataas. Ano ba ang dinadala ng kasabihan at kalakarang ito sa mga tao? Hindi ba totoo na gagawin ng marami ang anumang sakripisyo para sa salapi? Hindi ba isinasakripisyo ng maraming tao ang kanilang dignidad at integridad sa paghahanap ng mas maraming salapi? Hindi ba marami ang mga taong nawawalan ng pagkakataon na gampanan ang kanilang tungkulin at sundin ang Diyos para lamang sa salapi? Hindi ba ang pagkawala ng pagkakataong matamo ang katotohanan at maligtas ang pinakamalaki sa lahat ng nawala sa mga tao? Hindi ba’t masama si Satanas sa paggamit sa pamamaraang ito at sa kasabihang ito upang gawing tiwali ang tao hanggang sa ganitong antas? Hindi ba ito malisyosong pandaraya? Habang sumusulong ka mula sa pagtutol sa popular na kasabihang ito tungo sa pagtanggap dito bilang katotohanan sa huli, lubos na nahuhulog ang iyong puso sa kamay ni Satanas, at kung gayon ay naipapamuhay ang kasabihang ito nang hindi mo namamalayan. Gaano ka naapektuhan ng kasabihang ito? Maaaring alam mo ang tunay na daan, at maaari ring alam mo ang katotohanan, subalit wala kang kapangyarihang hangarin ito. Maaari mong malaman nang malinaw na ang mga salita ng Diyos ay katotohanan, ngunit hindi ka handang magbayad ng halaga, o magdusa upang makamtan ang katotohanan. Sa halip, mas gugustuhin mong isakripisyo ang iyong sariling kinabukasan at tadhana upang kalabanin ang Diyos hanggang sa katapus-tapusan. Anuman ang sinasabi ng Diyos, anuman ang ginagawa ng Diyos, nauunawaan mo man kung gaano kalalim at kung gaano kadakila ang pagmamahal ng Diyos para sa iyo o hindi, mapagmatigas mo pa ring ipipilit ang sarili mong landas at babayaran ang halaga para sa kasabihang ito. Ibig sabihin, naloko at nakontrol na ng kasabihang ito ang iyong mga iniisip, nakontrol na nito ang iyong pag-uugali, at mas gusto mo pang hayaan itong pagharian ang iyong kapalaran kaysa isantabi mo ang iyong paghahangad na yumaman. Kayang kumilos ng mga tao nang ganoon, kaya silang kontrolin at manipulahin ng mga salita ni Satanas—hindi ba ibig sabihin nito ay naloko at nagawa na silang tiwali ni Satanas? Hindi pa ba nag-uugat ang pilosopiya at paraan ng pag-iisip ni Satanas, at ang disposisyon ni Satanas, sa puso mo? Kapag pikit-mata mong hinangad na yumaman, at tinalikdan mo ang paghahanap ng katotohanan, hindi ba nagtagumpay na si Satanas sa layunin nitong lokohin ka? Ito mismo ang nangyayari. Nadarama mo ba kapag niloloko at ginagawa kang tiwali ni Satanas? Hindi. Kung hindi mo nakikita si Satanas na nakatayo sa harap mo mismo, o nadarama na si Satanas iyon na kumikilos nang patago, makikita mo ba ang kasamaan ni Satanas? Malalaman mo ba kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan? Ginagawang tiwali ni Satanas ang tao sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Ginagawang imposible ni Satanas na labanan ng tao ang katiwaliang ito at ginagawang walang-laban ang tao rito. Ipinatatanggap sa iyo ni Satanas ang mga kaisipan nito, ang mga pananaw nito, at ang masasamang bagay na nagmumula rito sa mga sitwasyon na hindi mo ito namamalayan at kapag hindi mo napapansin kung ano ang nangyayari sa iyo. Tinatanggap ng mga tao ang mga bagay na ito nang lubusan. Minamahal nila at pinanghahawakan ang mga bagay na ito na parang isang kayamanan, hinahayaan nila ang mga bagay na ito na manipulahin sila at paglaruan sila; ganito ang pamumuhay ng mga tao sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at wala silang malay na sinusunod nila si Satanas, at lalo pang lumalalim ang pagtitiwali ni Satanas sa tao.

Ginagamit ni Satanas ang ilang pamamaraan na ito upang gawing tiwali ang tao. Mayroong kaalaman at pagkaunawa ang tao sa ilang prinsipyong siyentipiko, namumuhay ang tao sa ilalim ng impluwensya ng tradisyunal na kultura, at ang bawat tao ay tagapagmana at tagapagkalat ng tradisyunal na kultura. Tiyak na ipagpapatuloy ng tao ang tradisyunal na kultura na ibinigay sa kanya ni Satanas, at sumasang-ayon ang tao sa mga kalakarang panlipunan na ibinibigay ni Satanas sa sangkatauhan. Ang tao ay di-maihihiwalay kay Satanas, nakikiisa sa lahat ng ginagawa ni Satanas sa lahat ng oras, tinatanggap ang kasamaan, panlilinlang, malisya, at pagmamataas nito. Noong taglayin ng tao ang mga disposisyon na ito ni Satanas, naging masaya ba siya o namimighati sa pamumuhay sa gitna ng tiwaling sangkatauhan? (Namimighati.) Bakit mo sinasabi ito? (Dahil ang tao ay naitali at nakokontrol ng mga tiwaling bagay na ito, nabubuhay siya sa kasalanan at nilamon ng isang mahirap na pakikipagpunyagi.) Ang ilang tao ay nagsusuot ng salamin, na nag-aanyong napakarunong; maaaring kagalang-galang sila kung magsalita, na may kahusayan at katwiran, at dahil marami na silang pinagdaanan; maaaring talagang may karanasan at kakayahan sila. Maaari silang magsalita nang detalyado tungkol sa mga bagay na malalaki at maliliit; at maaari din nilang suriin ang pagiging tunay at sanhi ng mga bagay-bagay. Maaaring tumingin ang mga tao sa pag-uugali at kaanyuan ng mga taong ito, gayundin sa kanilang karakter, pagkatao, pagkilos, at iba pa, at hindi makahanap ng kamalian sa kanila. Ang mga taong gaya nito ay partikular na nakikiuso sa mga kasalukuyang kalakarang panlipunan. Kahit na maaaring mas matanda ang mga taong ito, hindi sila kailanman nahuli sa mga uso at hindi sila kailanman naging napakatanda na para matuto. Sa panlabas na anyo, walang makakahanap ng kamalian sa ganitong tao, ngunit hanggang sa diwa sa kalooban nila ay lubusan at ganap na silang ginawang tiwali ni Satanas. Bagama’t walang panlabas na kamaliang makita sa mga taong ito, bagama’t sa panlabas sila ay banayad, pino, nagtataglay ng kaalaman at tiyak na moralidad, at mayroon silang integridad, at hindi sila nahuhuli sa mga kabataan pagdating sa kaalaman, gayunman, kaugnay ng kanilang kalikasang diwa, ang mga taong tulad nito ay tumpak at buhay na modelo ni Satanas; sila ay kawangis ni Satanas. Ito ang “bunga” ng pagtitiwali ni Satanas sa mga tao. Ang Aking mga sinabi ay maaaring maging masakit para sa inyo, ngunit totoo ang lahat ng ito. Ang kaalamang pinag-aaralan ng tao, ang siyensyang kanyang nauunawaan, at ang paraang kanyang pinipili para makibagay sa mga kalakarang panlipunan ay walang mintis na mga kagamitan ng pagtitiwali ni Satanas sa tao. Talagang totoo ito. Kung gayon, namumuhay ang tao sa loob ng isang disposisyon na ginawang ganap na tiwali ni Satanas, at walang paraan ang tao para malaman kung ano ang kabanalan ng Diyos o ano ang diwa ng Diyos. Ito ay dahil sa panlabas na anyo, hindi ka makakahanap ng mali sa mga pamamaraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang tao; hindi mo masasabi mula sa ikinikilos ng isang tao na may anumang kakaiba. Ang lahat ay nagpapatuloy sa kanilang mga trabaho nang normal at namumuhay nang normal; nagbabasa sila ng mga libro at mga diyaryo nang normal, nag-aaral at nagsasalita sila nang normal. Ang ilan ay natuto ng moralidad at magaling magsalita, maunawain at palakaibigan, matulungin at mapagbigay, at hindi nakikipag-away tungkol sa maliliit na bagay o nananamantala ng ibang tao. Gayunpaman, ang kanilang mga tiwali at mala-Satanas na disposisyon ay nakaugat nang malalim sa kanilang kaibuturan at ang ganitong diwa ay hindi kayang baguhin sa pamamagitan ng pagdepende sa panlabas na gawa. Hindi kaya ng tao na malaman ang kabanalan ng Diyos dahil sa diwang ito, at kahit na ang diwa ng kabanalan ng Diyos ay ipinahayag sa tao, hindi ito sineseryoso ng tao. Ito ay dahil sa tuluyan nang naangkin ni Satanas ang mga nararamdaman, ideya, pananaw, at kaisipan ng tao sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan. Ang pagkaangkin at katiwaliang ito ay hindi pansamantala o paminsan-minsan, kundi ito ay umiiral kahit saan at sa lahat ng oras. Kaya maraming tao na naniniwala sa Diyos sa loob ng tatlo o apat na taon, o kahit pa lima o anim na taon, ang kumakapit pa rin sa masasamang kaisipan, pananaw, lohika, at pilosopiya na naitanim sa kanila ni Satanas na para bang ang mga ito ay kayamanan, at hindi nila mabitawan ang mga ito. Dahil tinanggap ng tao ang masama, hambog, at malisyosong mga bagay na mula sa kalikasan ni Satanas, hindi maiiwasang magkaroon madalas ng mga salungatan, pagtatalo at hindi pagkakatugma, na siyang resulta ng mapagmataas na kalikasan ni Satanas. Kung nagbigay si Satanas sa sangkatauhan ng mga positibong bagay—halimbawa, kung ang Confucianismo at Taoismo ng tradisyunal na kultura na tinanggap ng tao ay mabubuting bagay—magkakasundo dapat ang magkakaparehong uri ng tao matapos tanggapin ang mga bagay na iyon. Bakit kaya may malaking pagkakahati-hati sa pagitan ng mga tao na tumanggap ng magkakaparehong bagay? Bakit ganoon? Ito ay dahil ang mga bagay na ito ay nagmula kay Satanas at lumilikha si Satanas ng pagkakahati-hati sa pagitan ng mga tao. Ang mga bagay na mula kay Satanas, kahit pa mukhang may dignidad o dakila ang mga iyon sa panlabas, ay nagdadala sa tao at nagpapalabas sa tao ng kayabangan, at wala nang iba kundi panlilinlang ng masamang kalikasan ni Satanas. Hindi ba tama iyon? Ang isang tao na kayang magpanggap, na nagtataglay ng kayamanan ng kaalaman, o mayroong magandang pagpapalaki ay mahihirapan pa ring itago ang kanyang tiwaling satanikong disposisyon. Ibig sabihin, ilang beses mang ikubli ng taong ito ang kanyang sarili, kahit na iniisip mo na siya ay santo, o kung naisip mo na siya ay perpekto, o kung naisip mo na siya ay isang anghel, gaano man kadalisay ang pag-aakala mo sa kanya, ano ang kanyang buhay sa likod ng mga eksenang ito? Anong diwa ang makikita mo sa pagbubunyag ng kanyang disposisyon? Walang duda na makikita mo ang masamang kalikasan ni Satanas. Maaari ba itong masabi? (Oo.) Halimbawa, sabihin nating may kilala kayong isang tao na malapit sa iyo na inakala mo na isang mabuting tao, marahil isang tao na iyong inidolo. Sa iyong kasalukuyang tayog, ano ang iyong tingin sa kanya? Una, sinusuri mo kung mayroong pagkatao ang ganitong uri ng tao o wala, kung siya ay matapat, kung siya ay may tunay na pagmamahal para sa mga tao, kung ang kanyang mga salita at gawa ay nakakapagbigay benepisyo at nakatutulong sa iba. (Hindi.) Ano ang tinaguriang kabaitan, pagmamahal, o kabutihan na naibubunyag ng mga taong ito? Ang lahat ng ito ay huwad, ang lahat ng ito ay panlabas lamang. Sa likod ng mga ipinapakitang ito ay may isang natatagong masamang layon: upang ang taong iyon ay hangaan at idolohin. Nakikita ba ninyo ito nang malinaw? (Oo.)

Ano ang idinudulot sa sangkatauhan ng mga pamamaraang ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang mga tao? Mayroon bang anumang positibong idinudulot ang mga ito? Una, kaya bang makita ng tao ang pagkakaiba ng mabuti at masama? Masasabi mo ba na sa mundong ito, maging ito man ay isang sikat o dakilang tao, o isang magasin o iba pang lathalain, tumpak ba ang ginagamit nilang mga pamantayan upang sabihing ang isang bagay ay mabuti o masama, at tama o mali? Patas ba ang kanilang pagtimbang sa mga pangyayari at mga tao? Mayroon bang katotohanan dito? Ang mundo bang ito, ang sangkatauhang ito, ay tumitimbang sa mga positibo at mga negatibong bagay batay sa pamantayan ng katotohanan? (Hindi.) Bakit walang ganoong kakayahan ang mga tao? Pinag-aralan na ng mga tao ang napakaraming kaalaman at marami nang alam tungkol sa siyensya, kaya’t marami na silang kakayahan, hindi ba? Kaya bakit hindi nila kayang makita ang pagkakaiba ng mga positibo at mga negatibong bagay? Bakit ganoon? (Dahil walang taglay na katotohanan ang mga tao; ang siyensya at kaalaman ay hindi katotohanan.) Ang lahat ng dinadala ni Satanas sa sangkatauhan ay masama, tiwali at walang katotohanan, buhay, at ang daan. Sa kasamaan at katiwaliang dinadala ni Satanas sa tao, masasabi mo bang mayroong pagmamahal si Satanas? Masasabi mo bang may pagmamahal ang tao? Maaaring sabihin ng ilang tao: “Mali ka, maraming tao sa buong mundo na tumutulong sa mga mahihirap o mga walang tirahan. Hindi ba mabubuting tao ang mga iyon? Mayroon ding mga organisasyong pangkawanggawa na gumagawa ng mabubuting gawain; hindi ba mabuting gawain ang kanilang ginagawa?” Ano ang masasabi mo tungkol doon? Gumagamit si Satanas ng maraming iba’t ibang pamamaraan at teorya upang gawing tiwali ang tao; ang katiwalian bang ito ng tao ay isang malabong konsepto? Hindi, ito ay hindi malabo. Gumagawa rin si Satanas ng ilang praktikal na bagay, at ito ay nagtataguyod din ng isang pananaw o teorya sa mundong ito at sa lipunan. Sa bawat dinastiya at sa bawat kapanahunan, ito ay nagtataguyod ng isang teorya at nagtatanim ng mga kaisipan sa mga tao. Ang mga kaisipan at teoryang ito ay unti-unting nag-uugat sa puso ng mga tao, at pagkatapos ay nagsisimula ang mga tao na mamuhay ayon sa mga ito. Sa oras na nagsimula na silang mamuhay ayon sa mga ganitong bagay, hindi ba sila nagiging si Satanas nang hindi nila alam? Hindi ba ang mga tao ay nagiging kaisa ni Satanas? Kapag ang mga tao ay naging kaisa na ni Satanas, ano ang kanilang nagiging ugali tungo sa Diyos sa katapusan? Hindi ba iyon kapareho ng ugali na mayroon si Satanas tungo sa Diyos? Walang sinuman ang nangangahas na aminin ito, tama? Nakakatakot ito! Bakit Ko sinasabing ang likas ni Satanas ay masama? Hindi Ko ito sinasabi nang walang basehan; bagkus, ang likas ni Satanas ay natutukoy at nasusuri batay sa kung ano ang ginawa nito at sa mga bagay na ibinunyag nito. Kung sinabi Ko lamang na si Satanas ay masama, ano ang inyong iisipin? Iisipin ninyo, “Halata namang si Satanas ay masama.” Kaya tatanungin kita: “Anong mga aspeto ni Satanas ang masama?” Kung iyong sasabihing: “Ang paglaban ni Satanas sa Diyos ay masama,” hindi ka pa rin nagsasalita nang may kalinawan. Ngayong nasabi Ko na ang mga tiyak na bagay sa ganitong paraan, mayroon ba kayong pagkaunawa tungkol sa tiyak na nilalaman ng diwa ng kasamaan ni Satanas? (Oo.) Kung malinaw ninyong nakikita ang masamang kalikasan ni Satanas, makikita ninyo ang sarili ninyong mga kalagayan. Mayroon bang anumang kaugnayan sa pagitan ng dalawang ito? Nakakatulong ba ito sa inyo o hindi? (Nakakatulong.) Kapag Ako ay nagbabahagi tungkol sa diwa ng kabanalan ng Diyos, kinakailangan ba na magbahagi Ako tungkol sa masamang diwa ni Satanas? Ano ang inyong opinyon tungkol dito? (Oo, ito ay kinakailangan.) Bakit? (Mas nakikita ang kabanalan ng Diyos dahil sa kasamaan ni Satanas.) Ganito ba ito? Ito ay bahagyang tama dahil kung wala ang kasamaan ni Satanas, hindi malalaman ng mga tao na ang Diyos ay banal; tamang sabihin ito. Gayunman, kung sasabihin mo na ang kabanalan ng Diyos ay umiiral lamang dahil kabaligtaran ito ng kasamaan ni Satanas, tama ba ito? Mali ang diyalektikong paraan ng pag-iisip na ito. Ang kabanalan ng Diyos ay ang likas na diwa ng Diyos; kahit na ibinubunyag ito ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa, ito ay likas na pagpapahayag pa rin ng diwa ng Diyos at ito ay likas na diwa pa rin ng Diyos; umiiral na ito noon pa man at ito ay likas at katutubo sa Diyos Mismo, bagama’t hindi ito nakikita ng tao. Ito ay dahil sa namumuhay ang tao sa gitna ng tiwaling disposisyon ni Satanas at sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, at hindi alam ng tao ang tungkol sa kabanalan, at lalo na ang tungkol sa tiyak na nilalaman ng kabanalan ng Diyos. Kaya naman, kinakailangan ba nating magbahagi muna tungkol sa masamang diwa ni Satanas? (Oo, kailangan nga.) Maaaring magpahayag ang ilang tao ng ilang pagdududa: “Ikaw ay nagbabahagi tungkol sa Diyos Mismo, kaya bakit lagi Kang nagsasalita tungkol sa kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao at kung gaano kasama ang likas ni Satanas?” Ngayon, kinalimutan mo na ang mga pagdududang ito, hindi ba? Kapag ang mga tao ay mayroong pagkakilala ng kasamaan ni Satanas at kapag sila ay may tumpak na pakahulugan dito, kapag nakikita nang malinaw ng mga tao ang tiyak na nilalaman at pagpapakita ng kasamaan, ang pinagmumulan at ang diwa ng kasamaan, saka lamang, sa pagtatalakay ng kabanalan ng Diyos, malinaw na mapagtatanto o makikilala ng mga tao kung ano ang kabanalan ng Diyos, kung ano ang kabanalan. Kung hindi Ko tatalakayin ang kasamaan ni Satanas, maling paniniwalaan ng ilang tao na ang ilang ginagawa ng mga tao sa lipunan at sa gitna ng mga tao—o ilang bagay sa mundong ito—ay maaaring may kaugnayan sa kabanalan. Hindi ba mali ang pananaw na ito? (Oo.)

Ngayong nakapagbahagi na Ako tungkol sa diwa ni Satanas sa ganitong paraan, anong uri ng pagkakaunawa sa kabanalan ng Diyos ang inyong natamo sa pamamagitan ng inyong mga karanasan noong mga nakalipas na taon, mula sa inyong pagbabasa ng salita ng Diyos at mula sa pagdanas sa Kanyang gawain? Sige magsalita kayo tungkol dito. Hindi mo kailangang gumamit ng mga salitang kaaya-aya sa pandinig, kundi magsalita lamang mula sa iyong sariling mga karanasan. Ang kabanalan ba ng Diyos ay binubuo lamang ng Kanyang pagmamahal? Ang pagmamahal lamang ba ng Diyos ang ating inilalarawan bilang kabanalan? Iyon ay masyadong may pinapanigan, hindi ba? Maliban sa pagmamahal ng Diyos, mayroon pa bang ibang mga aspeto ng diwa ng Diyos? Nakita ba ninyo ang mga ito? (Oo. Kinapopootan ng Diyos ang mga pagdiriwang at mga kapistahan, mga tradisyon at mga pamahiin; ito rin ay kabanalan ng Diyos.) Ang Diyos ay banal kaya naman kinapopootan Niya ang mga bagay, ito ba ang ibig mong sabihin? Sa ugat nito, ano ba ang kabanalan ng Diyos? Ang kabanalan ba ng Diyos ay walang matibay na nilalaman, poot lamang? Sa inyong mga isip, iniisip ba ninyo na, “Dahil napopoot ang Diyos sa masasamang bagay na ito, kung gayon maaaring sabihin ng isang tao na banal ang Diyos”? Hindi ba haka-haka ito? Hindi ba ito isang uri ng paggawa ng konklusyon mula sa mga bagay-bagay at paghatol? Ano ang pinakamalaking pagkakamali na kailangang-kailangang iwasan pagdating sa pag-unawa ng diwa ng Diyos? (Ito ay kapag iniiwanan natin ang realidad at sa halip ay pinag-uusapan ang mga doktrina.) Ito ay napakalaking pagkakamali. Mayroon pa ba? (Haka-haka at imahinasyon.) Ang mga ito ay malalaki ring pagkakamali. Bakit hindi kapaki-pakinabang ang haka-haka at imahinasyon? Ang mga bagay ba sa iyong haka-haka at imahinasyon ay tunay mong nakikita? Ang mga ito ba ay tunay na diwa ng Diyos? (Hindi.) Ano pa ang kailangang iwasan? Pagkakamali ba na magbanggit lamang ng sunud-sunod na mga salitang magandang pakinggan upang ilarawan ang diwa ng Diyos? (Oo.) Hindi ba ito mayabang at walang saysay? Ang paghatol at haka-haka ay walang saysay, kagaya rin lamang ng pagpili ng mga salitang magandang pakinggan. Ang papuring walang laman ay wala ring saysay, hindi ba? Nasisiyahan ba ang Diyos na marinig ang mga tao na magsabi ng ganitong uri ng kawalang-saysay? (Hindi, hindi Siya nasisiyahan.) Hindi Siya komportable kapag naririnig ito! Kapag ginagabayan at inililigtas ng Diyos ang isang grupo ng mga tao, matapos marinig ng grupong ito ang Kanyang mga salita, hindi pa rin nila nauunawaan kailanman ang Kanyang ibig sabihin. Maaaring magtanong ang isang tao: “Mabuti ba ang Diyos?” at sila ay tutugon, “Oo!” “Gaano kabuti?” “Napakabuti!” “Mahal ba ng Diyos ang tao?” “Oo!” “Gaano kamahal? Kaya mo bang ilarawan ito?” “Mahal na mahal! Ang pagmamahal ng Diyos ay mas malalim kaysa sa dagat, mas mataas kaysa sa himpapawid!” Hindi ba walang saysay ang mga salitang ito? Hindi ba ang kawalang-saysay na ito ay kapareho ng kasasabi lamang ninyo: “Kinapopootan ng Diyos ang tiwaling disposisyon ni Satanas, kung gayon, banal ang Diyos”? (Oo.) Hindi ba ang inyong kasasabi lamang ay walang saysay? At saan nanggagaling ang karamihan ng mga walang saysay na bagay na nababanggit? Ang mga bagay na walang saysay na nababanggit ay pangunahing nanggagaling sa kawalan ng responsabilidad at kawalan ng pagkatakot sa Diyos ng mga tao. Maaari ba nating sabihin iyon? Wala kang anumang pagkaunawa ngunit nagsalita ka pa rin ng kawalang-saysay. Hindi ba ito pagiging iresponsable? Hindi ba ito kawalan ng galang sa Diyos? Natuto ka ng kaunting kaalaman, nakaunawa ng kaunting pangangatwiran at lohika, ginamit mo ang mga ito at, dagdag pa rito, ginawa iyon bilang daan upang makilala ang Diyos. Sa tingin mo, hindi ba naiinis ang Diyos kapag naririnig kang nagsasalita sa gayong paraan? Paano ninyo masusubukang makilala ang Diyos gamit ang mga pamamaraang ito? Kapag nagsasalita ka nang ganoon, hindi ba iyon nakakaasiwang pakinggan? Kung gayon, pagdating sa pagkakilala sa Diyos, dapat maging napakaingat ang isang tao; magsalita lamang hanggang sa pagkakilala ninyo sa Diyos. Magsalita nang may katapatan at may praktikalidad at huwag palamutian ang inyong mga salita ng mga pangkaraniwang papuri at huwag gumamit ng pambobola; hindi iyon kailangan ng Diyos; ang ganitong bagay ay nanggagaling kay Satanas. Mapagmataas ang disposisyon ni Satanas; gusto ni Satanas na bolahin at makarinig ng magagandang salita. Masisiyahan at matutuwa si Satanas kapag binibigkas ng mga tao ang lahat ng salitang magandang pakinggan na kanilang natutuhan at gagamitin ang mga ito para kay Satanas. Ngunit hindi ito kailangan ng Diyos; hindi kailangan ng Diyos ng labis na papuri o pambobola at hindi Niya hinihingi sa mga tao na magsalita ng kawalang-saysay at purihin Siya nang pikit-mata. Napopoot ang Diyos at ni hindi makikinig sa papuri at pambobola na hindi tugma sa realidad. Kaya naman, kapag ang ilang tao ay pinupuri nang walang katapatan ang Diyos, at bulag na namamanata at nagdarasal sa Kanya, hindi nakikinig ni bahagya ang Diyos. Dapat mong akuin ang responsibilidad para sa iyong sinasabi. Kung hindi mo alam ang isang bagay, sabihin mo lamang; kung alam mo naman ang isang bagay, ipahayag mo ito sa isang praktikal na paraan. Ngayon, pagdating sa aktwal at tiyak na nilalaman ng kabanalan ng Diyos, mayroon ba kayong tunay na pagkakaunawa rito? (Noong nagpahayag ako ng pagkasuwail, noong nakagawa ako ng mga paglabag, natanggap ko ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at doon ko nakita ang kabanalan ng Diyos. At nang maharap ako sa mga kapaligiran na hindi tumugma sa aking mga inaasahan, nagdasal ako tungkol sa mga bagay na ito at hinanap ko ang mga layunin ng Diyos, at noong nililiwanagan at ginagabayan ako ng Diyos gamit ang Kanyang mga salita, nakita ko ang kabanalan ng Diyos.) Mula ito sa iyong sariling karanasan. (Mula sa sinabi ng Diyos tungkol dito, nakita ko na kung anong nangyari sa tao matapos magawang tiwali at mapinsala ni Satanas. Gayunpaman, ibinigay ng Diyos ang lahat para iligtas tayo at mula rito nakikita ko ang kabanalan ng Diyos.) Ito ay makatotohanang paraan ng pagsasalita; ito ay totoong kaalaman. Mayroon bang ibang mga paraan ng pag-intindi rito? (Nakikita ko ang kasamaan ni Satanas mula sa mga salita na sinabi nito upang akitin si Eba na magkasala at sa panunukso nito sa Panginoong Jesus. Mula sa mga salitang ginamit ng Diyos para sabihin kina Adan at Eba kung ano ang puwede at hindi nila puwedeng kainin, nakikita ko na diretsahan, malinis, at mapagkakatiwalaan ang mga salita ng Diyos; mula rito ay nakikita ko ang kabanalan ng Diyos.) Pagkatapos marinig ang mga sinabi sa itaas, kaninong mga salita ang pinakanagbibigay sa inyo ng inspirasyon na magsabi ng “amen”? Kaninong pagbabahagi ang pinakamalapit sa ating paksang ibinabahagi ngayon? Kaninong mga salita ang pinakamakatotohanan? Kumusta ang pagbabahagi ng huling kapatid na babae? (Mabuti.) Nagsasabi kayo ng “amen” sa kanyang sinabi. Ano ang kanyang sinabi na tinamaan ang target? (Sa mga salita na kasasabi lamang ng kapatid, narinig ko na ang salita ng Diyos ay diretsahan at napakalinaw, at hinding-hindi katulad ng mga paligoy-ligoy na salita ni Satanas. Nakita ko rito ang kabanalan ng Diyos.) Bahagi ito nito. Tama ba ito? (Oo.) Napakagaling. Nakikita Ko na mayroon kayong natutuhan sa dalawang nakalipas na mga pagbabahaginan, ngunit dapat kayong magpatuloy sa pagsisikap. Ang dahilan kung bakit dapat kayong magsikap ay sapagkat ang pag-unawa sa diwa ng Diyos ay isang malalim na aralin; hindi ito isang bagay na nauunawaan ng isang tao sa isang gabi lamang, o kayang sabihin nang malinaw sa kaunting mga salita lamang.

Bawat aspeto ng tiwali at satanikong disposisyon, kaalaman, pilosopiya, mga kaisipan at mga pananaw ng mga tao, at ang ilang personal na aspeto ng indibiduwal na tao ay labis na humahadlang sa kanilang pagkilala sa diwa ng Diyos; kaya kapag narinig mo ang mga paksang ito, ang ilan sa mga ito ay maaaring lagpas sa inyong kayang abutin, ang ilan ay maaaring hindi ninyo maunawaan, samantalang ang ilan sa pangunahing aspeto ay hindi ninyo maitugma sa realidad. Gayunman, narinig Ko ang tungkol sa inyong pagkakaunawa sa kabanalan ng Diyos at alam Ko na sa inyong mga puso kayo ay nagsisimula nang kilalanin ang sinabi Ko at nagbabahagi tungkol sa kabanalan ng Diyos. Alam Ko na sa inyong puso ang hangarin ninyo na maunawaan ang diwa ng kabanalan ng Diyos ay nagsisimulang umusbong. Ngunit ang lalong nagpapasaya pa sa Akin ay ang ilan sa inyo ay marunong nang gumamit ng mga pinakapayak na salita upang ilarawan ang inyong kaalaman tungkol sa kabanalan ng Diyos. Kahit na ito ay isang simpleng bagay para sabihin at nasabi Ko na ito noon, ngunit sa puso ng karamihan sa inyo, kailangan pa ninyong tanggapin ang mga salitang ito, at sa katotohanan ay hindi pa tumatatak sa inyong mga isip ang mga ito. Gayunpaman, ang ilan sa inyo ay isinaulo na ang mga salitang ito. Ito ay lubhang mabuti at ito ay napakagandang simula. Umaasa Ako na sa mga paksang iniisip ninyo na malalim—o sa mga paksa na higit pa sa inyong kayang abutin—magpapatuloy kayo na lalo pang magninilay-nilay at magbahaginan. Sa mga isyung higit pa sa inyong kayang abutin, mayroong isang tao na magbibigay sa inyo ng higit pang gabay. Kung dadagdagan pa ninyo ang pakikipagbahaginan kaugnay ng mga larangang naaabot ngayon, ang Banal na Espiritu ay gagawa ng Kanyang gawain at kayo ay makakarating sa mas mataas pang pagkakaunawa. Ang pag-unawa sa diwa ng Diyos at ang pagkilala sa diwa ng Diyos ay siyang pinakamahalaga sa buhay pagpasok ng mga tao. Umaasa Ako na hindi ninyo ipagwawalang-bahala ito o makikita ito bilang isang laro, dahil ang pagkilala sa Diyos ay siyang pundasyon ng pananampalataya ng tao at susi para hangarin ng tao ang katotohanan at makamtan ang kaligtasan. Kung naniniwala ang mga tao sa Diyos ngunit hindi nila Siya kilala, kung namumuhay lamang sila sa mga salita at doktrina, hindi kailanman magiging posibleng matamo nila ang kaligtasan, kahit pa kumilos at mamuhay sila ayon sa mga mababaw na kahulugan ng katotohanan. Ibig sabihin, kung ikaw ay naniniwala sa Diyos ngunit hindi Siya nakikilala, kung gayon ang iyong pananampalataya ay mauuwi sa wala at hindi naglalaman ng realidad. Naiintindihan ninyo, hindi ba? (Oo, naiintindihan namin.) Ang ating pagbabahaginan ay magtatapos na rito sa ngayon.

Enero 4, 2014

Sinundan: Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV

Sumunod: Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito