Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV

Ang Kabanalan ng Diyos (I)

Nagkaroon tayo ng ilang karagdagang pagbabahagi sa ating huling pulong tungkol sa awtoridad ng Diyos. Sa ngayon, hindi natin tatalakayin ang tungkol sa pagkamakatuwiran ng Diyos. Ang pag-uusapan natin ngayon ay isang ganap na bagong paksa—ang kabanalan ng Diyos. Ang kabanalan ng Diyos ay isa pang aspeto ng natatanging diwa ng Diyos, kung kaya’t napakahalagang magbahagian tayo tungkol sa paksang ito. Nagbahagi ako noon ng dalawang iba pang aspeto ng diwa ng Diyos—ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang awtoridad ng Diyos; natatangi bang lahat ang aspetong ito, at ang aspetong ibabahagi ko ngayon? (Oo.) Natatangi rin ang kabanalan ng Diyos, kaya ang bumubuo sa batayan at ugat ng pagiging natatanging ito ang tema para sa ating pagbabahagi ngayon. Ngayon ay magbabahagian tayo tungkol sa natatanging diwa ng Diyos—ang Kanyang kabanalan. Marahil, ang ilan sa inyo ay may ilang pag-aalinlangan, at nagtatanong, “Bakit dapat tayong magbahagian tungkol sa kabanalan ng Diyos?” Huwag mag-aalala, marahan Ko itong ipaliliwanag sa inyo. Kapag narinig na ninyo ang kailangan Kong sabihin, malalaman ninyo kung bakit lubhang kinakailangan Kong maibahagi ang paksang ito.

Bigyang-kahulugan muna natin ang salitang “banal.” Gamit ang inyong pang-unawa at ang lahat ng kaalaman na inyong natamo, ano ang inyong naiintindihan sa kahulugan ng “banal”? (Ang “banal” ay nangangahulugang walang dungis, ganap na walang katiwalian o mga kapintasan ng tao. Ang kabanalan ay naglalabas ng lahat ng positibong bagay, ito man ay sa iniisip, sinasabi o ginagawa.) Napakagaling. (Ang “banal” ay maka-Diyos, walang bahid, at hindi nabibigyan ng sama ng loob ng tao. Ito ay natatangi, ito ay tanging sa Diyos lamang at ito ang Kanyang sagisag.) Ito ang inyong pakahulugan. Sa puso ng bawat tao, itong salitang “banal” ay may saklaw, isang pakahulugan at isang interpretasyon. Kahit paano, kapag nakita ninyo ang salitang “banal,” ang inyong mga isip ay hindi hungkag. Mayroon kang partikular na saklaw ng pakahulugan para sa salitang ito, at ang mga kasabihan ng ilang tao ay bahagyang malapit sa mga kasabihang nagbibigay-kahulugan sa diwa ng disposisyon ng Diyos. Napakainam nito. Naniniwala ang karamihan ng mga tao na positibo ang salitang “banal,” at ito ay talagang totoo. Ngunit ngayon, habang nagbabahagian tayo tungkol sa kabanalan ng Diyos, hindi lamang Ako magsasalita tungkol sa mga kahulugan o paliwanag. Sa halip, maglalahad Ako ng ilang katunayan bilang katibayan upang maipakita sa iyo kung bakit sinasabi Ko na ang Diyos ay banal, at kung bakit ginagamit Ko ang salitang “banal” upang ilarawan ang diwa ng Diyos. Sa oras na matapos ang ating pagbabahagi, mararamdaman mo na ang paggamit ng salitang “banal” upang bigyang-kahulugan ang diwa ng Diyos at upang tukuyin ang Diyos ay lubos na nabigyang-katwiran at pinakaangkop. Kahit paano, sa konteksto ng kasalukuyang wika ng tao, ang paggamit ng salitang ito upang tukuyin ang Diyos ay talagang naaangkop—ito lamang sa lahat ng salita sa wika ng tao ang pinakaakma na tumukoy sa Diyos. Ang salitang ito, kapag ginamit upang tukuyin ang Diyos, ay hindi isang hungkag na salita, ni hindi rin ito isang kataga ng pagpupuri na walang batayan o isang hungkag na papuri. Ang layunin ng ating pagbabahagi ay upang tulutan ang bawat tao na makilala ang katotohanan ng aspetong ito ng diwa ng Diyos. Hindi natatakot ang Diyos sa nauunawaan ng tao, ngunit natatakot Siya sa maling pagkaunawa ng tao. Nais ng Diyos na makilala ng bawat tao ang Kanyang diwa at kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Kaya tuwing binabanggit natin ang isang aspeto ng diwa ng Diyos, makapagsasabi tayo ng maraming bagay na napatunayan upang matulutan ang mga tao na makita na ang aspetong ito ng diwa ng Diyos ay talagang umiiral.

Ngayong mayroon na tayong kahulugan ng salitang “banal,” talakayin natin ang ilang halimbawa. Sa mga kuru-kuro ng mga tao, inaakala nilang “banal” ang maraming bagay at tao. Halimbawa, itinuturing na banal ang birheng mga lalaki at mga babae sa mga diksyonaryo ng sangkatauhan. Ngunit sila ba’y talagang banal? Ang tinatawag bang “banal” na ito at ang “banal” na ating pinagbabahagian ngayon ay iisa at magkapareho? Ang mga nabibilang sa mga tao na may marangal na moralidad, na may pino at edukadong pananalita, na kailanman ay hindi nakapanakit kaninuman, at nagagawang panatag at kalugud-lugod ang iba kapag sila ay nagsasalita—sila ba’y banal? Ang mga laging gumagawa ng kabutihan, mga mapagkawanggawa at nagbibigay ng malaking tulong sa iba, ang mga nagdudulot ng malaking kasiyahan sa mga buhay ng tao—sila ba’y banal? Ang mga hindi nagkikimkim ng mga makasariling pag-iisip, hindi nanghihingi nang labis sa sinuman, nagpaparaya kaninuman—sila ba’y banal? Ang mga hindi kailanman nakipagtalo sa kaninuman ni nagsamantala kaya sa kaninuman—sila ba’y banal? At paano naman yaong mga gumagawa para sa kabutihan ng iba, na pinakikinabangan ng iba at nagdudulot ng pagpapatibay sa iba sa lahat ng paraan—sila ba’y banal? Ang mga namimigay sa iba ng lahat ng kanilang naimpok sa buong buhay nila at namumuhay ng isang payak na pamumuhay, na mahigpit sa kanilang mga sarili ngunit maluwag ang pakikitungo sa iba—sila ba’y banal? (Hindi.) Naaalala ninyong lahat kung paanong ang inyong mga ina ay nag-aruga sa inyo at kumalinga sa inyo sa lahat ng maiisip na paraan—sila ba’y banal? Ang mga idolong minamahal ninyo, maging sila man ay tanyag na mga tao, mga sikat o dakilang mga tao—sila ba’y mga banal? (Hindi.) Tingnan natin ngayon ang mga propeta sa Bibliya na nagawang magsabi ng mga bagay na tungkol sa hinaharap na hindi nalalaman ng maraming tao—ang mga tao bang ito ay banal? Ang mga taong nakapagtala ng mga salita ng Diyos at ng mga katotohanan ng Kanyang gawain sa Bibliya—sila ba’y mga banal? Si Moises ba ay banal? Si Abraham ba ay banal? (Hindi.) Paano naman si Job? Siya ba’y banal? (Hindi.) Si Job ay tinawag ng Diyos na isang matuwid na tao, kung gayon bakit kaya pati siya ay hindi masasabing banal? Ang mga tao bang may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan ay tunay na hindi banal? Sila ba’y banal o hindi? (Hindi.) Kayo ay bahagyang nangangamba, hindi kayo nakatitiyak sa sagot, at hindi kayo nangangahas na magsabi ng “Hindi,” ngunit hindi rin kayo nangangahas na magsabi ng “Oo,” kaya sa huli ay bantulot kayong nagsasabi ng “Hindi.” Hayaan ninyong magtanong Ako ng isa pang katanungan. Ang mga sugo ng Diyos—ang mga sugo na ipinapadala ng Diyos sa lupa—sila ba ay banal? Ang mga anghel ba ay banal? (Hindi.) Ang sangkatauhan na hindi ginawang tiwali ni Satanas—sila ba ay banal? (Hindi.) Sagot kayo nang sagot ng “Hindi” sa bawat tanong. Sa anong batayan? Naguguluhan kayo, hindi ba? Kaya’t bakit pati mga anghel ay sinasabing hindi banal? Nakararamdam kayo ngayon ng pagkabahala, hindi ba? Maaari ba ninyong tuklasin kung ano ang batayan ng pagiging hindi banal ng mga tao, mga bagay o mga di-nilikhang ating nabanggit noong una? Nakatitiyak Ako na hindi ninyo magagawa. Kaya’t hindi ba may pagka-iresponsable ang inyong pagsasabi ng “Hindi”? Hindi ba kayo pikit-matang sumasagot? Nagtataka ang ilang tao: “Yamang nagtatanong Ka sa ganitong paraan, tiyak na ang sagot ay ‘Hindi.’” Huwag mo akong bigyan ng minadaling mga sagot. Pag-isipang mabuti kung ang sagot ay “Oo” o “Hindi.” Malalaman ninyo kung bakit “Hindi” ang sagot kapag nagbahagi tayo ng tungkol sa susunod na paksa. Hindi magtatagal at ibibigay Ko sa inyo ang sagot. Magbasa muna tayo mula sa mga kasulatan.

1. Ang Utos ng Diyos na si Jehova sa Tao

Genesis 2:15–17 At kinuha ng Diyos na si Jehova ang lalaki at inilagay sa halamanan ng Eden, upang Kanyang alagaan at ingatan. At iniutos ng Diyos na si Jehova sa lalaki, na sinabi, “Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka nang may kalayaan: Datapuwat sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.”

2. Ang Pagtukso ng Ahas sa Babae

Genesis 3:1–5 Ang ahas nga ay lalong tuso kay sa alin man sa mga hayop sa parang na nilikha ng Diyos na si Jehova. At sinabi niya sa babae, “Tunay bang sinabi ng Diyos, ‘Huwag kayong kakain sa alin mang punong kahoy sa halamanan?’” At sinabi ng babae sa ahas, “Sa bunga ng mga punong kahoy sa halamanan ay makakakain kami: Datapuwat sa bunga ng punong kahoy na nasa gitna ng halamanan ay sinabi ng Diyos, ‘Huwag kayong kakain niyaon, ni huwag ninyong hihipuin, baka kayo’y mamatay.’” At sinabi ng ahas sa babae, “Maaaring hindi ka talaga mamamatay: Sapagkat talastas ng Diyos na sa araw na kayo’y kumain niyaon ay madidilat nga ang inyong mga mata, at kayo’y magiging parang Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”

Ang dalawang siping ito ay hango sa aklat ng Genesis sa Bibliya. Pamilyar ba kayong lahat sa dalawang siping ito? Nagsasalaysay ang mga ito ng mga pangyayaring naganap sa pasimula nang ang sangkatauhan ay unang nilikha; totoo ang mga pangyayaring ito. Tingnan muna natin kung anong uri ng utos ang ibinigay ng Diyos na si Jehova kina Adan at Eba; napakahalaga ng nilalaman ng utos na ito para sa ating paksa ngayon. “At iniutos ng Diyos na si Jehova sa lalaki, na sinabi, ‘Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka nang may kalayaan: Datapuwat sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.’” Ano ang halaga ng utos ng Diyos sa tao sa siping ito? Una, sinasabi ng Diyos sa tao kung ano ang maaari niyang kainin, gaya ng mga bunga ng maraming uri ng puno. Walang panganib at walang lason; ang lahat ay maaaring kainin at malayang makakain hangga’t nais ng tao, nang walang pag-aalala at pag-aalinlangan. Ito ay isang bahagi ng utos ng Diyos. Ang isa pang bahagi ay isang babala. Sa babalang ito, sinasabi ng Diyos sa tao na hindi niya dapat kainin ang bunga mula sa puno ng pagkakilala ng mabuti at masama. Ano ang mangyayari kapag kumain siya mula sa punong ito? Sinabi ng Diyos sa tao: Kung kumain ka mula rito, tiyak na mamamatay ka. Hindi ba’t tapat ang mga salitang ito? Kung sinabi ito ng Diyos sa iyo subalit hindi mo naunawaan kung bakit, ituturing mo ba ang Kanyang mga salita bilang isang alituntunin o isang utos na dapat sundin? Dapat sundin ang gayong mga salita. Subalit magawa mang sumunod o hindi ng tao, ang mga salita ng Diyos ay walang pag-aalinlangan. Buong-linaw na sinabi ng Diyos sa tao kung ano ang maaari niyang kainin at kung ano ang hindi niya maaaring kainin, at kung ano ang mangyayari kung kakainin niya ang hindi niya dapat kainin. May nakikita ka bang anumang disposisyon ng Diyos sa maiikling salitang winika ng Diyos? Totoo ba ang mga salitang ito ng Diyos? Mayroon bang anumang panlilinlang? Mayroon bang anumang kabulaanan? Mayroon bang anumang pananakot? (Wala.) Matapat, makatotohanan at taos-pusong sinabi ng Diyos sa tao kung ano ang maaari niyang kainin at kung ano ang hindi niya maaaring kainin. Malinaw at payak na nagsalita ang Diyos. May natatago bang kahulugan sa mga salitang ito? Hindi ba tapat ang mga salitang ito? Kinakailangan bang maghaka-haka? Hindi na kailangang manghula. Sa isang sulyap ay litaw na litaw ang kahulugan ng mga ito. Sa pagbasa sa mga ito, lubos na malilinawan ang sinuman sa kahulugan ng mga ito. Ibig sabihin, ang nais na sabihin ng Diyos at ang nais Niyang ipahayag ay nagmumula sa Kanyang puso. Ang mga bagay na ipinahahayag ng Diyos ay malinis, tapat at malinaw. Walang mga lingid na layunin o anumang natatagong mga kahulugan. Tuwiran Siyang nagsasalita sa tao, sinasabi sa kanya kung ano ang maaari niyang kainin at kung ano ang hindi niya maaaring kainin. Na ang ibig sabihin, sa pamamagitan ng mga salitang ito ng Diyos, makikita ng tao na walang itinatago at totoo ang puso ng Diyos. Walang bahid ng kasinungalingan dito; hindi ito isang usapin ng pagsasabi sa iyo ng hindi mo maaaring kainin ang maaaring kainin, o pagsasabi sa iyong “Gawin ito at tingnan kung ano ang mangyayari” sa mga bagay na hindi mo maaaring kainin. Hindi ito ang ibig sabihin ng Diyos. Anuman ang iniisip ng Diyos sa Kanyang puso ay siyang Kanyang sinasabi. Kung sinasabi Ko na banal ang Diyos sapagkat ipinakikita at inihahayag Niya ang Kanyang Sarili sa loob ng mga salitang ito sa ganitong paraan, maaari mong maramdaman na tila pinalalaki Ko ang hindi naman dapat palakihin o pinalalawak Ko nang labis ang Aking ibig sabihin. Kung gayon, huwag mag-aalala; hindi pa tayo tapos.

Pag-usapan natin ngayon ang tungkol sa “Ang Pagtukso ng Ahas sa Babae.” Sino ang ahas? Si Satanas. Ginagampanan nito ang papel ng panghambingan sa anim na libong taon na plano ng pamamahala ng Diyos, at ito ay isang papel na dapat banggitin kapag ibinabahagi natin ang tungkol sa kabanalan ng Diyos. Bakit Ko sinasabi ito? Kung hindi mo alam ang kasamaan at katiwalian ni Satanas o ang kalikasan ni Satanas, wala kang paraan kung gayon na makilala ang kabanalan, ni hindi mo malalaman kung ano ba talaga ang kabanalan. Sa kalituhan, naniniwala ang mga tao na ang ginagawa ni Satanas ay tama, sapagkat namumuhay sila na may ganitong uri ng tiwaling disposisyon. Kung walang mapaghahambingan, kung walang mapagkukumparahan, hindi mo malalaman kung ano ang kabanalan. Kaya nga kailangang banggitin si Satanas dito. May kabuluhan ang pagbanggit niyon. Sa pamamagitan ng mga salita at mga gawa ni Satanas, ating makikita kung paano kumikilos si Satanas, kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at kung ano ang kalikasan at hitsura ni Satanas. Kaya ano ang sinabi ng babae sa ahas? Isinalaysay ng babae sa ahas kung ano ang sinabi ng Diyos na si Jehova sa kanya. Nang sinabi niya ang mga salitang ito, nakatitiyak ba siya na ang sinabi sa kanya ng Diyos ay totoo? Hindi niya matitiyak ito. Bilang isang taong kalilikha pa lamang, wala siyang kakayahan na makilala ang kaibahan ng masama sa mabuti, ni wala siyang kahit anong pagkakilala sa anumang nasa kanyang paligid. Kung pagbabatayan ang mga salitang binigkas niya sa ahas, hindi siya nakatitiyak sa kanyang puso kung tama ang mga salita ng Diyos; ito ang kanyang saloobin. Kaya nang makita ng ahas na ang babae ay walang tiyak na saloobin ukol sa mga salita ng Diyos, sinabi nito: “Maaaring hindi ka talaga mamamatay: Sapagkat talastas ng Diyos na sa araw na kayo’y kumain niyaon ay madidilat nga ang inyong mga mata, at kayo’y magiging parang Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” Mayroon bang anumang mali sa mga salitang ito? Pagkabasa ninyo sa pangungusap na ito, nadama ba ninyo ang mga intensyon ng ahas? Ano ang mga intensyong iyon? Nais nito na tuksuhin ang babaeng ito upang pigilan siyang sundin ang mga salita ng Diyos. Ngunit hindi nito sinabi nang tuwiran ang mga bagay na ito. Kaya masasabi natin na ito ay napakatuso. Ipinapahayag nito ang kanyang kahulugan sa isang palihim at hindi tuwirang paraan upang makamit ang hinahangad nitong layunin na nakatago sa isipan nito at lingid sa tao—ito ang katusuhan ng ahas. Ganito na magsalita at kumilos si Satanas noon pa man. Sinasabi nito na “maaaring hindi talaga,” nang walang anumang pinapatunayan. Subalit sa pagkarinig nito, ang mangmang na puso ng babaeng ito ay naantig. Nalugod ang ahas sapagkat nakamit ng mga salita nito ang hinahangad na epekto—ito ang tusong intensyon ng ahas. Bukod pa rito, sa pamamagitan ng pangangako ng isang kalalabasan na tila kanais-nais sa mga tao, sinulsulan siya nito na sinasabing, “Sa araw na kayo’y kumain niyaon ay madidilat nga ang inyong mga mata.” Kaya inisip niya: “Ang mabuksan ang aking mga mata ay isang mabuting bagay!” At pagkatapos ay nagsabi ito ng isang bagay na mas nakakaakit, mga salitang hindi pa kailanman nakilala ng tao, mga salitang nagtataglay ng malaking kapangyarihan ng tukso sa mga nakakarinig ng mga ito: “Kayo’y magiging parang Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” Ang mga salita bang ito ay hindi talagang nakakatukso sa tao? Ito ay parang isang tao na nagsasabi sa iyo: “Ang hugis ng iyong mukha ay kamangha-mangha. May pagkapango nga lang ang iyong ilong, subalit kung mapapaayos mo iyan, ikaw ay magiging isa sa pinakamagaganda sa buong mundo!” Para sa sinuman na hindi nagnais kailanman na magkaroon ng kosmetikong operasyon, mapupukaw kaya ang puso niya kapag narinig ang mga salitang ito? Ang mga salita bang ito ay mapanukso? Ang panunulsol bang ito ay nakakatukso sa iyo? Panunubok ba ito? (Oo.) Ang Diyos ba ay nagsasabi ng mga bagay na ganito? Mayroon bang anumang pahiwatig na tulad nito sa mga salita ng Diyos na kababasa pa lang natin nang mabuti? Ang Diyos ba ay nagsasabi ng kung ano ang iniisip Niya sa Kanyang puso? Makikita ba ng tao ang puso ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita? (Oo.) Subalit nang ang ahas ang nagsabi ng mga salitang iyon sa babae, nakita mo ba ang puso nito? Hindi. At dahil sa kamangmangan ng tao, ang tao ay madaling natukso ng mga salita ng ahas at madaling nalinlang. Nakita mo ba ang mga intensyon ni Satanas? Nakita mo ba ang layunin sa likod ng sinabi ni Satanas? Nakita mo ba ang mga balak at panlilinlang ni Satanas? (Hindi.) Anong uri ng disposisyon ang kinakatawan ng paraan ng pananalita ni Satanas? Anong uri ng diwa ang nakita mo kay Satanas sa pamamagitan ng mga salitang ito? Ito ba ay lihim na mapanira? Marahil sa panlabas ito ay nakangiti sa iyo o hindi naghahayag ng kahit ano pa mang pagpapahayag. Subalit sa puso nito, kinakalkula nito kung paano makakamit ang layunin nito, at ang layuning ito ang hindi mo makita. Ang lahat ng pangako na ibinibigay nito sa iyo, ang lahat ng kapakinabangan na inilalarawan nito ay mga balatkayong panunukso. Nakikita mo na mabubuti ang mga bagay na ito, kaya nararamdaman mo na ang sinasabi nito ay mas kapaki-pakinabang at mas matibay kaysa sa sinasabi ng Diyos. Kapag nangyayari ito, ang tao ba kung gayon ay hindi nagiging isang sunud-sunurang bilanggo? Ang paraan bang ito na ginagamit ni Satanas ay hindi ubod nang sama? Hinahayaan mo ang sarili mo na lumubog nang husto. Nang walang anumang ginagawa si Satanas bukod sa pagsasalita lamang ng dalawang pangungusap na ito, masaya kang sumunod kay Satanas at tumalima kay Satanas. Samakatwid, ang layunin ni Satanas ay naabot. Ang intensyon bang ito ay hindi masama? Hindi ba ito ang pinakapangunahing mukha ni Satanas? Mula sa mga salita ni Satanas, makikita ng tao ang masasamang layunin nito, mamamasdan ang nakakasindak na mukha nito at matatanaw ang diwa nito. Hindi ba tama iyon? Sa paghahambing sa mga pangungusap na ito, nang walang pagsusuri ay maaaring mararamdaman mo na bagamat ang mga salita ng Diyos na si Jehova ay nakababagot, karaniwan at palasak, ang mga ito ay hindi nagbibigay-katwiran sa labis na marubdob na pagpuri sa katapatan ng Diyos. Gayunman, kapag tinatanggap natin ang mga salita ni Satanas at ang nakakatakot na mukha ni Satanas bilang mapaghahambingan, hindi ba’t may kahalagahan ang mga salitang ito ng Diyos sa mga tao sa kasalukuyan? (Oo.) Sa pamamagitan ng paghahambing na ito, madadama ng tao ang dalisay na pagiging walang bahid-dungis ng Diyos. Bawat salita na winiwika ni Satanas at ang mga layunin, intensyon at paraan ng pagsasalita ni Satanas—lahat ng ito ay hindi dalisay. Ano ang pangunahing itinatampok ng paraan ng pagsasalita ni Satanas? Gumagamit si Satanas ng paliguy-ligoy na mga salita upang tuksuhin ka nang hindi mo nakikita ang pag-uulit-ulit nito, ni hindi ka hinahayaan nitong makilala ang layunin nito; Pinakakagat ka ni Satanas sa pain, pero kailangan mo ring purihin at awitin ang mga kabutihan nito. Hindi ba ganito ang paraan ng mga pakanang palagian nang pinipili ni Satanas? (Oo.) Tingnan naman natin ngayon kung ano pa ang ibang mga salita at pagpapahayag ni Satanas na nagpapahintulot sa tao na makita ang nakakatakot na mukha nito. Magbasa tayo ng ilan pang kasulatan.

3. Ang Pag-uusap ni Satanas at ng Diyos na si Jehova

Job 1:6–11 Isang araw nga nang ang mga anak ng Diyos ay magsiparoon upang magsiharap kay Jehova, na si Satanas ay naparoon din naman na kasama nila. At sinabi ni Jehova kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Nang magkagayo’y sumagot si Satanas kay Jehova, at nagsabi, “Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon.” At sinabi ni Jehova kay Satanas, “Iyo bang pinansin ang Aking lingkod na si Job, sapagkat walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki, na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan?” Nang magkagayo’y sumagot si Satanas kay Jehova, at nagsabi, “Natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa Diyos? Hindi Mo ba siya ikinulong, at ang kanyang sambahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawat dako? Iyong pinagpala ang gawa ng kanyang mga kamay, at ang kanyang pag-aari ay dumami sa lupain. Ngunit pagbuhatan Mo siya ng Iyong kamay ngayon, at galawin Mo ang lahat niyang tinatangkilik, at susumpain Ka niya ng mukhaan.”

Job 2:1–5 Nangyari uli na sa araw nang pagparoon ng mga anak ng Diyos upang magsiharap kay Jehova, na nakiparoon din si Satanas, upang humarap kay Jehova. At sinabi ni Jehova kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” At si Satanas ay sumagot kay Jehova, at nagsabi, Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon. At sinabi ni Jehova kay Satanas, “Iyo bang pinansin ang Aking lingkod na si Job, sapagkat walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki, na natatakot sa Diyos, at umiiwas sa kasamaan? At siya’y namamalagi sa kanyang integridad, bagaman Ako’y kinilos mo laban sa kanya, upang ilugmok siya ng walang kadahilanan.” At si Satanas ay sumagot kay Jehova, at nagsabi, “Balat kung balat, oo, lahat na tinatangkilik ng tao ay ibibigay dahil sa kanyang buhay. Ngunit pagbuhatan Mo ngayon ng Iyong kamay, at galawin Mo ang kanyang buto at ang kanyang laman, at kanyang susumpain Ka ng mukhaan.”

Ang buong dalawang siping ito ay naglalaman ng pag-uusap ng Diyos at ni Satanas, nakatala sa mga ito kung ano ang sinabi ng Diyos at kung ano ang sinabi ni Satanas. Hindi masyadong nagsalita ang Diyos, at napakapayak ng Kanyang pagsasalita. Makikita ba natin ang kabanalan ng Diyos sa Kanyang simpleng mga salita? May ilan na magsasabing hindi ito madaling gawin. Kaya makikita ba natin ang pagiging ubod ng sama ni Satanas sa mga tugon nito? Tingnan muna natin kung anong uri ng tanong ang itinanong ng Diyos na si Jehova kay Satanas. “Saan ka nanggaling?” Hindi ba’t ito’y diretsahang tanong? Mayroon bang natatagong kahulugan? Wala; ito ay isang diretsahang tanong lamang. Kung tatanungin Ko kayo: “Saan ka nanggaling?” paano kayo sasagot? Ito ba’y isang tanong na mahirap sagutin? Sasabihin ba ninyong: “Sa pagpaparoo’t parito, at sa pagmamanhik manaog”? (Hindi.) Hindi kayo sasagot ng ganito, kaya ano ang nararamdaman ninyo kapag nakikita ninyo si Satanas na sumasagot sa ganitong paraan? (Nararamdaman natin na si Satanas ay kakatwa ngunit mapanlinlang rin.) Masasabi ba ninyo kung ano ang nararamdaman Ko? Sa tuwing nakikita Ko ang mga salitang ito ni Satanas, naiinis Ako, sapagkat nagsasalita si Satanas ngunit walang anumang kabuluhan ang sinasabi nito. Sinagot ba ni Satanas ang tanong ng Diyos? Hindi, ang mga salitang sinabi ni Satanas ay hindi isang kasagutan at walang anumang kinahantungan ang mga ito. Ang mga iyon ay hindi kasagutan sa katanungan ng Diyos. “Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon.” Ano ang nauunawaan mo sa mga salitang ito? Saan ba talaga nanggaling si Satanas? Nakatanggap ka ba ng kasagutan sa tanong na ito? (Hindi.) Ganito “kadalubhasa” sa pagkatuso si Satanas—hindi hinahayaan ang sinuman na matuklasan kung ano talaga ang sinasabi nito. Pagkadinig sa mga salitang ito hindi mo pa rin mababatid kung ano ang sinabi nito, kahit na tapos na itong sumagot. Gayunman naniniwala si Satanas na perpekto ang naging sagot nito. Ano kung gayon ang iyong nararamdaman? Naiinis ka ba? (Oo.) Nagsisimula ka ngayong makaramdam ng inis sa mga salitang ito. Mayroong partikular na katangian ang mga salita ni Satanas: Ang sinasabi ni Satanas ay iiwanan kang napapakamot sa iyong ulo at hindi maunawaan ang pinagmumulan ng mga salita nito. Kung minsan, may mga motibo si Satanas at sinasadya ang sinasabi, at kung minsan pinangingibabawan ng kalikasan nito, na ang gayong mga salita ay kusang lumalabas, at namumutawi mismo sa bibig ni Satanas. Hindi gumugugol si Satanas nang mahabang panahon sa pagsasaalang-alang sa gayong mga salita; bagkus, inihahayag ang mga ito nang hindi pinag-iisipan. Nang tanungin ng Diyos kung saan ito nanggaling, sumagot si Satanas gamit ang ilang hindi malinaw na salita. Makakaramdam ka ng sobrang pagkalito na hindi mo kailanman malalaman nang eksakto kung saan nagmula si Satanas. Mayroon ba sa inyo na nangungusap ng tulad nito? Anong uri ng paraan ng pagsasalita ang ganito? (Ito ay hindi maliwanag at hindi nagbibigay ng isang tiyak na sagot.) Anong uri ng mga salita ang dapat nating gamitin upang ilarawan ang ganitong paraan ng pananalita? Ito ay nakapagliligaw at mapanlinlang. Ipagpalagay na ayaw ipaalam sa iba ng isang tao kung ano ang ginawa niya kahapon. Tinatanong mo siya: “Nakita kita kahapon. Saan ang punta mo?” Hindi niya sinabi sa iyo nang diretso kung saan siya nagpunta. Bagkus ay sinabi niya: “Maraming nangyari kahapon. Nakakapagod!” Sinagot ba niya ang tanong mo? Oo sinagot niya, ngunit hindi iyon ang sagot na nais mo. Ito ang “pagkadalubhasa” sa panlilinlang na nasa pananalita ng tao. Hindi mo kailanman matutuklasan kung ano ang ibig niyang sabihin o maiintindihan ang pinagmulan o intensyon sa likod ng kanyang mga salita. Hindi mo alam kung ano ang kanyang sinusubukang iwasan sapagkat may sarili siyang kuwento sa puso niya—ito ay panlilinlang. Mayroon ba sa inyo na madalas ding magsalita sa ganitong paraan? (Oo.) Ano kung gayon ang inyong layunin? Kung minsan ba ay upang protektahan ang inyong sariling mga kapakanan, minsan upang panatilihin ang inyong pagpapahalaga sa sarili, katayuan, at imahe, upang protektahan ang mga lihim ng inyong pribadong buhay? Anuman ang layon, hindi ito maihihiwalay sa inyong mga pakinabang at may kinalaman sa inyong mga kapakanan. Hindi ba ito ang kalikasan ng tao? Ang lahat ng may gayong kalikasan ay may malapit na ugnayan kay Satanas, kung hindi nama’y pamilya nito. Maaari natin itong sabihin na ganito nga, hindi ba? Sa pangkalahatan, ang ganitong pagpapamalas ay kamuhi-muhi at kasuklam-suklam. Naiinis na din kayo ngayon, hindi ba? (Oo.)

Tingnan natin ang mga sumusunod na talata. Tumugon muli si Satanas sa tanong ni Jehova, nagsasabing: “Natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa Diyos?” Sinisimulan ni Satanas na tuligsain ang pagsuri ni Jehova kay Job, at ang pagtuligsang ito ay may halong poot. “Hindi Mo ba siya ikinulong, at ang kanyang sambahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawat dako?” Ito ang pagkaunawa at pagsuri ni Satanas sa gawain ni Jehova kay Job. Sinusuri ito ni Satanas sa ganitong paraan, sinasabing: “Iyong pinagpala ang gawa ng kanyang mga kamay, at ang kanyang pag-aari ay dumami sa lupain. Ngunit pagbuhatan Mo siya ng Iyong kamay ngayon, at galawin Mo ang lahat niyang tinatangkilik, at susumpain Ka niya ng mukhaan.” Si Satanas ay palaging nagsasalita nang hindi maliwanag, subalit nagsasalita ito nang may katiyakan dito. Gayunpaman, ang mga salitang ito, bagamat sinambit nang may katiyakan, ay isang pagtuligsa, isang kalapastanganan at isang pakikipagtunggali sa Diyos na si Jehova, at sa Diyos Mismo. Ano ang nararamdaman ninyo kapag naririnig ninyo ang mga salitang ito? Nakakaramdam ba kayo ng pag-ayaw? Nakikita ba ninyo ang mga intensiyon ni Satanas? Una sa lahat, itinatatwa ni Satanas ang pagsusuri ni Jehova kay Job—isang tao na may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan. Pagkatapos ay itinatatwa ni Satanas ang lahat ng sinasabi at ginagawa ni Job, iyon ay, itinatatwa nito ang takot niya kay Jehova. Ito ba ay nagpaparatang? Pinaparatangan, itinatatwa, at pinagdududahan ni Satanas ang lahat ng ginagawa at sinasabi ni Jehova. Hindi ito naniniwala, nagsasabing, “Kung sinasabi Mo na ang mga bagay ay kagaya nito, kung gayon, bakit hindi ko pa ito nakikita? Binigyan Mo siya ng napakaraming biyaya, paanong hindi siya matatakot sa Iyo?” Hindi ba ito pagtatwa sa lahat ng ginagawa ng Diyos? Pagpaparatang, pagtatatwa, paglapastangan—hindi ba pag-atake ang mga salita ni Satanas? Hindi ba tunay na pagpapahayag ang mga ito ng kung ano ang iniisip ni Satanas sa puso nito? Ang mga salitang ito ay tiyak na hindi katulad ng mga salitang kababasa lang natin ngayon: “Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon.” Ganap na magkaiba ang dalawang ito. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ganap na inilalantad ni Satanas ang mga nilalaman ng puso nito—ang saloobin nito sa Diyos at ang pagkamuhi nito sa takot ni Job sa Diyos. Kapag nangyayari ito, ang pagkamalisyoso at ang masamang kalikasan nito ay ganap na nailalantad. Kinamumuhian nito ang mga may takot sa Diyos, kinamumuhian ang mga lumalayo sa masama, at lalo pang kinamumuhian si Jehova sa pagkakaloob ng mga pagpapala sa tao. Nais nitong gamitin ang pagkakataong ito upang sirain si Job na iniangat ng Diyos gamit ang sarili Niyang kamay, upang wasakin siya, nagsasabing: “Sinasabi Mo na may takot sa Iyo si Job at lumalayo siya sa masama. Kabaligtaran ang nakikita ko.” Ginagamit nito ang iba’t ibang paraan upang udyukan at tuksuhin si Jehova, at gumagamit ng iba’t ibang mapanlinlang na pakana upang ibigay ng Diyos na si Jehova si Job kay Satanas upang walang-pakundangang mamanipula ito, mapinsala at matrato sa maling paraan. Nais nitong samantalahin ang pagkakataong ito upang puksain ang taong ito na matuwid at perpekto sa mga mata ng Diyos. Panandaliang kapusukan lamang ba ang nagdulot kay Satanas ng ganitong uri ng puso? Hindi, hindi ganoon. Matagal na panahon nang nagsimula ito. Kapag ang Diyos ay gumagawa, nagmamalasakit sa isang tao, at nagmamasid sa taong ito, at kapag pinapaboran at sinasang-ayunan Niya ang taong ito, nakabuntot din nang malapitan si Satanas, tinatangkang linlangin ang taong ito at ilagay sa kapahamakan. Kung nais ng Diyos na makamit ang taong ito, gagawin ni Satanas ang lahat ng makakaya nito upang hadlangan ang Diyos, gamit ang iba’t ibang masasamang kaparaanan upang tuksuhin, guluhin at pinsalain ang gawain ng Diyos, upang makamit ang natatagong layon nito. Ano ang layon nito? Ayaw nito na makamit ng Diyos ang sinuman; nais nitong agawin ang pagmamay-ari sa mga taong nais makamit ng Diyos, gusto nitong kontrolin sila, ang pangasiwaan sila upang sambahin nila ito nang sa gayon ay samahan nila ito sa paggawa ng mga kasamaan, at labanan ang Diyos. Hindi ba ito ang masamang layunin ni Satanas? Madalas ninyong sabihin na si Satanas ay napakabuktot, napakasama, subalit nakita na ba ninyo ito? Nakikita ninyo kung gaano kasama ang sangkatauhan; hindi pa ninyo nakikita kung gaano kasama ang totoong Satanas. Subalit sa usapin tungkol kay Job, malinaw ninyong naobserbahan kung gaano talaga kasama si Satanas. Ginawang napakaliwanag ng usaping ito ang nakasusuklam na mukha ni Satanas at ang diwa nito. Sa pakikipagdigma sa Diyos at pagsunud-sunod sa likuran Niya, ang layunin ni Satanas ay ang buwagin ang lahat ng gawain na nais gawin ng Diyos, ang sakupin at kontrolin ang mga nais na makuha ng Diyos, ang ganap na puksain ang mga nais na makuha ng Diyos. Kung hindi sila mapupuksa, sila kung gayon ay aangkinin ni Satanas upang magamit nito—ito ang layunin nito. At ano ang ginagawa ng Diyos? Ang Diyos ay nagsasabi lamang ng isang simpleng pangungusap sa siping ito; walang talaan ng anumang higit pa sa ginagawa ng Diyos, ngunit nakikita natin na mas marami pang mga talaan ng kung ano ang ginagawa at sinasabi ni Satanas. Sa sumusunod na sipi mula sa kasulatan, tinanong ni Jehova si Satanas, “Saan ka nanggaling?” Ano ang sagot ni Satanas? (Ito pa rin ay “Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon.”) Ito pa rin ang pangungusap na iyon. Ito ay naging kasabihan at tatak ni Satanas. Paano ito nangyari? Hindi ba kasuklam-suklam si Satanas? Ang pagsasabi ng ganitong nakakainis na pangungusap nang isang beses ay tiyak na sapat na. Bakit lagi itong inuulit ni Satanas? Pinatutunayan nito ang isang bagay: Ang kalikasan ni Satanas ay hindi nagbabago. Hindi maaaring magpanggap si Satanas para itago ang pangit na mukha nito. Tinatanong ito ng Diyos at sumasagot ito sa ganitong paraan. Yamang ganito ang nangyayari, isipin kung paano nito tinatrato ang mga tao! Hindi natatakot si Satanas sa Diyos, wala itong takot sa Diyos, at hindi ito sumusunod sa Diyos. Kaya nangangahas ito na maging walang-prinsipyong pangahas sa harap ng Diyos, para gamitin ang kaparehong mga salitang ito upang isantabi ang tanong ng Diyos, para gamitin ang kaparehong sagot na ito sa tanong ng Diyos, para magtangkang gamitin ang kaparehong sagot na ito upang lituhin ang Diyos—ito ang pangit na mukha ni Satanas. Hindi ito naniniwala sa pagkamakapangyarihan sa lahat ng Diyos, hindi ito naniniwala sa awtoridad ng Diyos, at tiyak na hindi nakahandang magpasakop sa kapamahalaan ng Diyos. Palagi nitong sinasalungat ang Diyos, palaging tinutuligsa ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at tinatangkang gibain ang lahat ng ginagawa ng Diyos—ito ang masamang layunin nito.

Tulad ng nakatala sa Aklat ni Job, ang dalawang siping ito na sinabi ni Satanas at ang mga bagay na ginawa ni Satanas ay kumakatawan sa paglaban nito sa Diyos sa Kanyang anim na libong taon na plano ng pamamahala—nabubunyag rito ang tunay na kulay ni Satanas. Nakita mo na ba ang mga salita at mga gawa ni Satanas sa totoong buhay? Kapag nakita mo ang mga iyon, maaaring hindi mo maiisip na ang mga iyon ay mga bagay na winika ni Satanas, sa halip ay iisipin mo na ang mga iyon ay mga bagay na winika ng tao. Ano ang kinakatawan kapag ang mga ganoong bagay ay winika ng tao? Si Satanas ang kinakatawan. Kahit na nakikilala mo ito, hindi mo pa rin maiisip na ito talaga ang winika ni Satanas. Subalit ngayon mismo maliwanag na nakita mo kung ano ang sinabi mismo ni Satanas. Ikaw ngayon ay mayroong isang maliwanag at napakalinaw na pagkaunawa sa nakakasuklam na mukha at kasamaan ni Satanas. Kung gayon, ang dalawang sipi bang ito na winika ni Satanas ay mahalaga para sa mga tao ngayon upang malaman ang kalikasan ni Satanas? Dapat bang maingat na tandaan ang dalawang siping ito upang makilala ng kasalukuyang sangkatauhan ang nakakasuklam na mukha ni Satanas, upang makilala ang orihinal at tunay na mukha ni Satanas? Bagaman ang pagsasabi nito ay tila hindi angkop, ang pagpapahayag ng mga salitang ito sa ganitong paraan ay maituturing pa ring tumpak. Tunay na maipapaliwanag Ko lamang ang ideyang ito sa ganitong paraan, at kung kaya ninyong maunawaan ito, kung gayon ay sapat na iyon. Paulit-ulit na tinutuligsa ni Satanas ang mga bagay na ginagawa ni Jehova, nagpaparatang tungkol sa takot ni Job sa Diyos na si Jehova. Tinatangka ni Satanas na udyukan si Jehova sa iba’t ibang mga paraan upang mapapayag si Jehova na tuksuhin nito si Job. Ang mga salita nito kung gayon ay lubhang nakakapukaw ng galit. Kaya sabihin sa Akin, sa sandaling masabi ni Satanas ang mga salitang ito, makikita ba nang malinaw ng Diyos kung ano ang nais gawin ni Satanas? (Oo.) Sa puso ng Diyos, ang taong si Job na tinutunghayan ng Diyos—ang lingkod na ito ng Diyos, na itinuturing ng Diyos na isang matuwid na tao, isang perpektong tao—maaari kaya niyang mapaglabanan ang ganitong uri ng tukso? (Oo.) Bakit ganoon na lang katiyak ang Diyos tungkol diyan? Palagi bang sinusuri ng Diyos ang puso ng tao? (Oo.) Si Satanas ba kung gayon ay nakakasuri ng puso ng tao? Hindi ito kaya ni Satanas. Kahit na makita pa ni Satanas ang puso ng tao, ang masamang kalikasan nito ay hindi kailanman magtutulot dito na maniwala na ang kabanalan ay kabanalan, o na ang nakaririmarim ay nakaririmarim. Hindi kailanman maaaring pahalagahan ng masamang si Satanas ang anumang bagay na banal, matuwid o maliwanag. Hindi maiiwasan ni Satanas na walang-pagod na gawin ang naaayon sa kalikasan nito, sa kasamaan nito, at ang mga paraang nakasanayan nito. Kahit na maparusahan o mapuksa pa ito ng Diyos, hindi ito nag-aatubili na mahigpit na tutulan ang Diyos—ito ang kasamaan, ito ang kalikasan ni Satanas. Kaya sa siping ito, sinasabi ni Satanas: “Balat kung balat, oo, lahat na tinatangkilik ng tao ay ibibigay dahil sa kanyang buhay. Ngunit pagbuhatan Mo ngayon ng Iyong kamay, at galawin Mo ang kanyang buto at ang kanyang laman, at kanyang susumpain Ka ng mukhaan.” Iniisip ni Satanas na ang takot ng tao sa Diyos ay dahil sa pagkakamit ng tao ng napakaraming pakinabang mula sa Diyos. Ang tao ay nagkakamit ng mga pakinabang mula sa Diyos, kung kaya sinasabi niya na ang Diyos ay mabuti. Subalit hindi ito dahil sa ang Diyos ay mabuti, ito ay dahil lamang sa ang tao ay nagkakamit ng napakaraming pakinabang na maaaring katakutan niya ang Diyos sa ganitong paraan. Sa sandaling alisin ng Diyos sa kanya ang mga pakinabang na ito, tatalikuran na niya ang Diyos. Sa masamang kalikasan ni Satanas, hindi ito naniniwala na ang puso ng tao ay tunay na maaaring matakot sa Diyos. Dahil sa masamang kalikasan nito hindi nito alam kung ano ang kabanalan, lalong hindi nito alam kung ano ang ibig sabihin ng matakot. Hindi nito alam kung ano ang kahulugan ng pagsunod sa Diyos o kung ano ang matakot sa Diyos. Dahil hindi nito alam ang mga bagay na ito, iniisip nito na hindi rin magagawa ng tao na matakot sa Diyos. Sabihin sa Akin, hindi ba masama si Satanas? Maliban sa ating iglesia, wala sa iba’t ibang mga relihiyon at mga denominasyon, o mga grupong panrelihiyon at panlipunan, ang naniniwala sa pag-iral ng Diyos, lalo nang hindi sila naniniwala na ang Diyos ay nagkatawang-tao at ginagawa ang gawain ng paghatol, kaya iniisip nila na ang iyong pinaniniwalaan ay hindi ang Diyos. Kapag tumitingin ang isang taong mahalay sa kanyang paligid, ang tingin niya ay mahalay rin ang lahat tulad niya. Ang isang tao na nagsisinungaling sa lahat ng oras ay walang ibang nakikita kundi kawalang-katapatan at kasinungalingan kapag tumitingin ito sa paligid. Nakikita ng isang masamang tao ang lahat bilang masama at nagnanais na labanan ang lahat ng nakikita niya. Nakikita ng mga taong may kaunting katapatan ang lahat bilang tapat, kaya palagi silang naloloko, palaging nadadaya, at wala silang magagawang anuman tungkol dito. Ibinibigay Ko sa inyo ang ilang halimbawang ito upang patibayin ang inyong paniniwala: Ang masamang kalikasan ni Satanas ay hindi isang pansamantalang pamimilit o isang bagay na dulot ng mga pagkakataon, ni hindi ito isang pansamantalang pagpapamalas na dulot ng anumang kadahilanan o konteksto. Talagang hindi! Talaga lamang na walang magagawa si Satanas kundi ang maging ganito! Hindi ito makagagawa ng anumang mabuti. Kahit na kapag sinasabi nito ang isang bagay na masarap pakinggan, ito ay para akitin ka lamang. Habang lalong nakakalugod, habang lalong nakikibagay, habang lalong nagiging banayad ang mga salita nito, nagiging mas malisyoso ang masasamang intensyon sa likod ng mga salitang ito. Anong uri ng mukha, anong uri ng kalikasan ang ipinakikita ni Satanas sa dalawang siping ito? (Taksil, malisyoso at masama.) Ang pangunahing katangian ni Satanas ay kasamaan; higit sa ano pa man, si Satanas ay masama at malisyoso.

Ngayong natapos na nating pag-usapan ang tungkol kay Satanas, bumalik tayo sa pag-uusap tungkol sa ating Diyos. Sa panahon ng anim na libong taon na plano ng pamamahala ng Diyos, labis na kakaunti ang tuwirang pananalita ng Diyos na naitala sa Bibliya, at ang mga naitala ay napakapayak. Kaya simulan natin sa umpisa. Nilikha ng Diyos ang tao at mula noon ay palaging ginagabayan ang buhay ng sangkatauhan. Sa pagkakaloob man sa sangkatauhan ng mga pagpapala, pagbibigay ng mga batas at kautusan para sa mga tao, o pagtatakda ng iba’t ibang mga patakaran sa buhay, alam ba ninyo ang layunin ng Diyos sa pagsasagawa ng mga bagay na ito? Una, masasabi ba ninyo nang may katiyakan na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa kabutihan ng sangkatauhan? Maaaring ang mga ito ay tila maringal at walang lamang mga salita, subalit kung susuriin ang mga detalye nito, hindi ba’t ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay upang pangunahan at gabayan ang tao sa pagsasabuhay ng isang normal na buhay? Sa pagtulot man ito sa tao na sundin ang Kanyang mga alituntunin o tumalima sa Kanyang mga kautusan, ang layunin ng Diyos ay upang hindi sumamba ang tao kay Satanas at upang hindi sila mapinsala ni Satanas; ito ang pinakapangunahin, at ito ang ginagawa mula pa sa pinakasimula. Noong pinakasimula, nang hindi naintindihan ng tao ang kalooban ng Diyos, gumawa ang Diyos ng ilang simpleng kautusan at alintuntunin at gumawa ng mga panukala na sumaklaw sa lahat ng maaaring gawan ng panukala. Ang mga panukalang ito ay payak, ngunit sa loob ng mga ito ay naroon ang kalooban ng Diyos. Pinakaiingat-ingatan, pinahahalagahan at pinakaiibig ng Diyos ang sangkatauhan. Kaya masasabi ba natin na ang Kanyang puso ay banal? Masasabi ba natin na ang Kanyang puso ay malinis? (Oo.) Mayroon bang karagdagang layunin ang Diyos? (Wala.) Kung gayon, ang Kanya bang layunin ay tama at positibo? Sa gawain ng Diyos, ang lahat ng panukala na Kanyang ginawa ay may positibong epekto para sa tao at nagtuturo sa mga tao ng daan. Kaya may anumang makasariling saloobin ba sa isipan ng Diyos? Mayroon bang anumang karagdagang mga layunin ang Diyos patungkol sa tao? Nais ba Niyang gamitin ang tao sa ibang paraan? Hindi kailanman. Ginagawa ng Diyos kung ano ang sinasabi Niya, at ang Kanyang mga sinasabi at ginagawa ay tugma sa Kanyang mga iniisip sa Kanyang puso. Walang hindi dalisay na layunin, walang makasariling mga saloobin. Wala Siyang anumang ginagawa para sa Kanya Mismo; ang lahat ng ginagawa Niya ay ginagawa Niya para sa tao, nang walang anumang pansariling layunin. Bagaman may mga plano at mga intensyon Siya para sa tao, wala sa mga ito ang para sa Kanya Mismo. Lahat ng ginagawa Niya ay ginagawa para lamang sa sangkatauhan, upang ingatan ang sangkatauhan, upang mapanatiling hindi naliligaw ang sangkatauhan. Kaya hindi ba natatangi ang Kanyang puso? Makakakita ka ba ng kahit na pinakamaliit na bakas ng natatanging pusong ito kay Satanas? Wala kang makikita ni katiting na bakas nito kay Satanas, hindi mo talaga ito makikita. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay kusang nahahayag. Tingnan natin ngayon kung paano gumawa ang Diyos; paano Niya isinasakatuparan ang Kanyang gawain? Kinukuha ba ng Diyos ang mga batas na ito at ang Kanyang mga salita at mahigpit na itinatali ang mga ito sa mga ulo ng bawat tao, na parang orasyon sa paghihigpit ng benda,[a] upang igiit ang mga ito sa bawat tao? Ganito ba ang paraan ng Kanyang paggawa? (Hindi.) Kaya sa anong paraan ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain? Siya ba ay nananakot? Paliguy-ligoy ba Siyang mangusap sa inyo? (Hindi.) Kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanan, paano ka ginagabayan ng Diyos? Nagbibigay Siya ng liwanag sa iyo, malinaw na sinasabi sa iyo na ang paggawa nito ay hindi naaayon sa katotohanan, at pagkatapos ay sinasabi Niya sa iyo kung ano ang dapat mong gawin. Mula sa mga paraang ito ng paggawa ng Diyos, anong uri ng kaugnayan ang nararamdaman mong mayroon ka sa Diyos? Nararamdaman mo bang ang Diyos ay hindi maabot? (Hindi.) Ano ang nararamdaman mo kapag nakikita mo ang mga paraang ito ng paggawa ng Diyos? Ang mga salita ng Diyos ay talagang totoo, at ang relasyon Niya sa tao ay talagang normal. Ang Diyos ay napakalapit sa iyo, walang distansya sa pagitan mo at ng Diyos. Kapag ginagabayan ka ng Diyos, kapag Siya ay nagtutustos sa iyo, tumutulong sa iyo at sumusuporta sa iyo, nararamdaman mo kung gaano kagiliw-giliw ang Diyos, ang pagpipitagan na nahihikayat Niya; nararamdaman mo kung gaano Siya kaibig-ibig, nararamdaman mo ang Kanyang kasiglahan. Subalit kapag pinupuna ng Diyos ang iyong katiwalian, o kapag hinahatulan at dinidisiplina ka Niya dahil sa paghihimagsik mo sa Kanya, anong paraan ang ginagamit Niya? Sinasaway ka ba Niya sa pamamagitan ng mga salita? Dinidisiplina ka ba Niya sa pamamagitan ng iyong kapaligiran at sa pamamagitan ng mga tao, mga pangyayari, at mga bagay? (Oo.) Hanggang sa anong antas ang pagdisiplina ng Diyos sa iyo? Dinidisiplina ba ng Diyos ang tao hanggang sa parehong antas na pinipinsala ni Satanas ang tao? (Hindi, dinidisiplina lamang ng Diyos ang tao hanggang sa antas na kayang tiisin ng tao.) Ang Diyos ay gumagawa sa isang banayad, maingat, mapagmahal, at maalagang paraan, isang higit sa karaniwang paraan na kalkulado at wasto. Ang Kanyang paraan ay hindi nagdudulot sa iyo ng matinding mga emosyon tulad ng, “Dapat na pumayag ang Diyos na gawin ko ito” o “Dapat na pumayag ang Diyos na gawin ko iyon.” Ang Diyos ay hindi kailanman magbibigay sa iyo ng ganoong uri ng matinding isipin o damdamin na magsasanhi na hindi mo makayanan ang mga bagay-bagay. Hindi ba tama iyon? Tanggapin mo man ang mga salita ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, ano ang iyong nararamdaman pagkatapos? Kapag nararamdaman mo ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, ano ang nararamdaman mo pagkatapos? Nararamdaman mo ba na ang Diyos ay banal at hindi maaaring labagin? Nararamdaman mo ba ang distansiya sa pagitan mo at ng Diyos sa ganitong mga pagkakataon? Nararamdaman mo ba kung gaano kakila-kilabot ang Diyos? Hind—sa halip ay natatakot ka sa Diyos. Hindi ba nararamdaman ng mga tao ang lahat ng ito dahil sa gawain ng Diyos? Magkakaroon ba sila ng ganitong mga damdamin kung si Satanas ang gumawa sa tao? Hinding-hindi. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga salita, ang Kanyang katotohanan at ang Kanyang buhay upang tuluy-tuloy na magtustos sa tao, upang suportahan ang tao. Kapag ang tao ay mahina, kapag ang tao ay nanlulumo, tiyak na hindi malupit na mangungusap ang Diyos, na nagsasabing: “Huwag manlumo. Bakit ka nanlulumo? Bakit ka nanghihina? Mayroon bang dahilan para manghina? Napakahina mo palagi, at napakanegatibo mo palagi! Wala bang dahilan para mabuhay? Mamatay ka na lang at tapusin ang lahat!” Sa ganitong paraan ba gumagawa ang Diyos? (Hindi.) Ang Diyos ba ay may awtoridad na kumilos sa ganitong paraan? Oo, may awtoridad Siya. Subalit hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan. Ang dahilan kung bakit hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan ay dahil sa Kanyang diwa, ang diwa ng kabanalan ng Diyos. Ang Kanyang pagmamahal sa tao, ang pagpapahalaga at pagtatangi Niya sa tao ay hindi maaaring ipahayag nang malinaw sa isa o dalawang pangungusap lamang. Hindi ito isang bagay na idinulot ng pagyayabang ng tao kundi isang bagay na pinasisibol ng Diyos sa totoong pagsasagawa; ito ang pagbubunyag ng diwa ng Diyos. Ang lahat ba ng paraang ito ng paggawa ng Diyos ay makakapagtulot sa tao na makita ang kabanalan ng Diyos? Sa lahat ng paraang ito ng paggawa ng Diyos, kasama na ang mabubuting intensyon ng Diyos, kabilang ang mga epekto na nais ng Diyos na gumawa sa tao, kasama ang iba’t ibang mga paraan na sinusundan ng Diyos upang gumawa sa tao, ang uri ng gawain na ginagawa Niya, ang nais Niya na maunawaan ng tao—nakakita ka ba ng anumang kasamaan o pagkatuso sa mabuting mga intensyon ng Diyos? (Hindi.) Kaya sa lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos, sa lahat ng bagay na sinasabi ng Diyos, sa lahat ng bagay na iniisip Niya sa Kanyang puso, gayundin sa lahat ng diwa ng Diyos na inihahayag Niya—matatawag ba nating banal ang Diyos? (Oo.) Nakita na ba ng tao ang kabanalang ito sa mundo, o sa sarili niya? Maliban sa Diyos, nakita mo na ba ito sa sinumang tao o kay Satanas? (Hindi.) Mula sa mga tinalakay natin, matatawag ba nating natatangi ang Diyos, ang mismong banal na Diyos? (Oo.) Ang lahat ng ibinibigay ng Diyos sa tao, kasama ang mga salita ng Diyos, ang iba’t ibang paraan kung saan ang Diyos ay gumagawa sa tao, ang sinasabi ng Diyos sa tao, ang ipinapaalaala ng Diyos sa tao, ang Kanyang ipinapayo at hinihikayat na gawin—nagmumula ang lahat ng ito sa isang diwa: ang kabanalan ng Diyos. Kung walang ganoong banal na Diyos, walang taong makakahalili sa Kanya upang gawin ang mga ginagawa Niya. Kung lubusang ibinigay ng Diyos ang mga taong ito kay Satanas, napag-isipan na ba ninyo kung ano ang magiging uri ng kalagayan ninyong lahat sa kasalukuyan? Kayo bang lahat ay makauupo rito na buo at hindi napipinsala? Sasabihin din ba ninyo: “Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon”? Magiging pangahas ba kayo, magiging masyadong bastos at magyayabang nang walang kahihiyan sa harap ng Diyos? Tiyak na gagawin ninyo ito nang walang pag-aalinlangan! Ang saloobin ni Satanas sa tao ay nagtutulot sa tao na makita na ang kalikasang diwa ni Satanas ay lubos na iba sa Diyos. Ano ang nasa diwa ni Satanas na kabaligtaran ng kabanalan ng Diyos? (Ang kasamaan ni Satanas.) Ang masamang kalikasan ni Satanas ay ang kabaligtaran ng kabanalan ng Diyos. Ang dahilan kung bakit hindi nakikilala ng karamihan sa mga tao ang pagpapahayag na ito ng Diyos at ang diwa ng kabanalan ng Diyos na ito ay dahil sa sila ay nabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, sa loob ng katiwalian ni Satanas at sa loob ng buhay na kulungan ni Satanas. Hindi nila alam kung ano ang kabanalan o kung paano bigyang-kahulugan ang kabanalan. Nauunawaan mo man ang kabanalan ng Diyos, hindi mo pa rin ito mabibigyan ng kahulugan bilang kabanalan ng Diyos nang may anumang katiyakan. Isang malaking pagkakaiba ito na napapaloob sa kaalaman ng tao ukol sa kabanalan ng Diyos.

Ano ang katangian ng gawain ni Satanas sa tao? Dapat ninyong matutuhan ito sa pamamagitan ng inyong sariling mga karanasan—ito ang tipikal na katangian ni Satanas, ang bagay na paulit-ulit nitong ginagawa, ang bagay na sinusubukan nitong gawin sa bawat isang tao. Marahil ay hindi ninyo kayang makita ang katangiang ito, kaya hindi ninyo nararamdaman na lubhang nakakatakot at kasuklam-suklam si Satanas. Mayroon bang nakakaalam kung anong katangian ito? (Sinusulsulan, inaakit at tinutukso nito ang tao.) Tama iyon; ang mga ito ang ilan sa paraan na naipapamalas ang katangiang ito. Si Satanas din ay nandaraya, nanunuligsa at nag-aakusa sa tao—lahat ng ito ay mga pagpapamalas. Mayroon pa bang iba? (Nagsasabi ito ng mga kasinungalingan.) Ang pandaraya at pagsisinungaling ay likas kay Satanas. Madalas nitong ginagawa ang mga bagay na ito. Nariyan din ang pag-astang amo sa mga tao, sinusulsulan sila, pinipilit silang gumawa ng mga bagay-bagay, inuutus-utusan sila, at sapilitang inaangkin sila. Ngayon ay ilalarawan Ko ang isang bagay sa inyo na sisindak sa inyo, ngunit hindi Ko ginagawa ito upang takutin kayo. Ang Diyos ay gumagawa sa tao at pinapahalagahan ang tao kapwa sa Kanyang saloobin at sa Kanyang puso. Sa kabilang banda, si Satanas ay hindi talaga pinapahalagahan ang mga tao, at ginugugol nito ang lahat ng oras nito sa pag-iisip kung paano pamiminsala ang tao. Hindi ba tama ito? Kapag pinag-iisipan nito ang pamiminsala sa tao, ang nasa isipan ba nito ay ang magmadali? (Oo.) Kaya pagdating sa gawain ni Satanas sa tao, may dalawa Akong parirala na sapat na makakapaglarawan sa kasamaan at pagiging malisyoso ni Satanas, na tunay na magtutulot sa inyong makilala ang pagiging kasuklam-suklam ni Satanas: Sa paglapit ni Satanas sa tao, palagi nitong nais na sapilitang masakop at sapian ang tao, ang bawat isa, hanggang sa punto na maaari nitong ganap na makontrol ang tao at mapinsala ang tao nang lubha, upang maaari nitong makamit ang layunin nito at maisakatuparan ang mabangis na ambisyong ito. Ano ang ibig sabihin ng “sapilitang sakupin”? Nangyayari ba ito nang may pahintulot mo, o nang wala kang pahintulot? Nangyayari ba ito nang nalalaman mo, o nang hindi mo nalalaman? Ang sagot ay lubos na nangyayari ito nang hindi mo nalalaman! Nagaganap ito sa mga sitwasyon na wala kang kamalayan, marahil kahit wala itong anumang sinasabi o ginagawa sa iyo, nang walang batayan, walang konteksto—naroroon si Satanas na pumapalibot sa iyo. Naghahanap ito ng pagkakataon na makapagsamantala at pagkatapos ay sasakupin ka nito nang sapilitan, sasapian ka, makakamit ang layunin nito na ganap kang kontrolin at pinsalain ka. Ito ay ang pinakakaraniwang intensyon at pag-uugali ni Satanas sa pakikipaglaban nito na ilayo ang sangkatauhan sa Diyos. Ano ang nararamdaman ninyo kapag naririnig ninyo ito? (Nasisindak at natatakot sa aming mga puso.) Nasusuklam ba kayo? (Oo.) Kapag nasusuklam kayo, naiisip ba ninyo na si Satanas ay walang kahihiyan? Kapag naiisip ninyo na si Satanas ay walang kahihiyan, nasusuklam ba kayo kung gayon sa mga tao sa paligid ninyo na palaging nais kumontrol sa inyo, sa mga may mababangis na ambisyon para sa katayuan at mga pakinabang? (Oo.) Kaya anong mga paraan ang ginagamit ni Satanas upang sapilitang sapian at sakupin ang tao? Malinaw ba ito sa inyo? Kapag naririnig ninyo ang dalawang salitang ito na “sapilitang pananakop” at “pagsapi,” nakakaramdam kayo ng pagkasuklam at nadarama ninyo ang kasamaan ng mga salitang ito. Nang walang pahintulot ninyo o nang hindi ninyo nalalaman, sinasapian ka ni Satanas, sapilitan kang sinasakop, at ginagawa kang tiwali. Ano ang mararamdaman mo sa iyong puso? Nakakaramdam ka ba ng pagkamuhi at pagkasuklam? (Oo.) Kapag nakakaramdam ka ng ganitong pagkamuhi at pagkasuklam sa mga paraang ito ni Satanas, anong uri ng damdamin ang mayroon ka para sa Diyos? (Pasasalamat.) Nagpapasalamat sa Diyos sa pagliligtas sa iyo. Kaya ngayon, sa sandaling ito, may pagnanais ka ba o kalooban na hayaan ang Diyos na mangasiwa at mamahala ng lahat ng mayroon ka at lahat ng kung sino ka? (Oo.) Sa anong konteksto nakabatay ang sagot mo? Sinasabi mo ba ang “oo” sapagkat natatakot ka na sapilitang masakop at masapian ni Satanas? (Oo.) Hindi ka dapat magkaroon ng ganitong uri ng kaisipan; hindi ito tama. Huwag matakot, sapagkat ang Diyos ay naririto. Walang dapat katakutan. Sa sandaling maunawaan mo ang masamang diwa ni Satanas, dapat kang magkaroon ng mas tamang pagkaunawa o ng mas malalim na pagpapahalaga sa pagmamahal ng Diyos, sa mabubuting intensyon ng Diyos, sa pagkahabag at pagpaparaya ng Diyos para sa tao at sa Kanyang matuwid na disposisyon. Si Satanas ay lubhang kasuklam-suklam, datapwat kung hindi pa rin ito humihikayat sa iyong pagmamahal sa Diyos at sa iyong pananalig at pagtitiwala sa Diyos, kung gayon ay anong uri ng tao ka? Handa ka ba na hayaang pinsalain ka ni Satanas? Matapos makita ang kasamaan at pagiging kasuklam-suklam ni Satanas, pumipihit tayo at tumitingin sa Diyos. Sumailalim na ba ngayon sa anumang pagbabago ang iyong kaalaman sa Diyos? Maaari ba nating sabihin na ang Diyos ay banal? Masasabi ba natin na ang Diyos ay walang kapintasan? “Ang Diyos ay natatanging kabanalan”—mapaninindigan ba ng Diyos ang titulong ito? (Oo.) Kaya sa mundo at sa gitna ng lahat ng bagay, tanging ang Diyos Mismo ba ang maaaring manindigan sa pagkaunawang ito ng tao sa Diyos? (Oo.) Kaya ano ba talaga ang ibinibigay ng Diyos sa tao? Nagbibigay lamang ba Siya sa iyo ng kaunting pagkalinga, malasakit at pagsasaalang-alang nang hindi mo ito namamalayan? Ano ang naibigay ng Diyos sa tao? Ang Diyos ay nagbigay sa tao ng buhay, nagbigay sa tao ng lahat ng bagay, at walang-pasubaling ipinagkakaloob sa tao ang lahat ng ito nang walang hinihinging anumang kapalit, nang walang anumang lihim na hangarin. Ginagamit Niya ang katotohanan, ginagamit ang Kanyang mga salita, ginagamit ang Kanyang buhay upang pangunahan at gabayan ang tao, upang mailayo ang tao mula sa pamiminsala ni Satanas, sa mga panunukso ni Satanas, sa panunulsol at pang-aakit ni Satanas, upang tulutan ang tao na makita nang malinaw ang masamang kalikasan ni Satanas at ang nakakatakot nitong mukha. Tunay ba ang pagmamahal at malasakit ng Diyos sa sangkatauhan? Ito ba ay isang bagay na maaaring maranasan ng bawat isa sa inyo? (Oo.)

Magbalik-tanaw sa inyong mga buhay hanggang sa kasalukuyan, sa lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa iyo sa lahat ng taon ng iyong pananampalataya. Pumupukaw man ito nang masisidhi o mabababaw na damdamin, hindi ba’t higit sa lahat ay ito ang lubos na kinakailangan? Hindi ba ito ang iyong pinakakinakailangang makamit? (Oo.) Hindi ba ito katotohanan? Hindi ba ito ang buhay? (Oo.) Napagkalooban ka na ba ng Diyos kahit kailan ng kaliwanagan, at pagkatapos ay hinilingan kang magbigay sa Kanya ng anuman bilang kapalit ng lahat ng naibigay Niya sa iyo? (Hindi.) Kaya ano ang layunin ng Diyos? Bakit ginagawa ito ng Diyos? Mayroon din bang balak ang Diyos na sakupin ka? (Wala.) Nais ba ng Diyos na itaas ang Kanyang trono sa puso ng tao? (Oo.) Kaya ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pagtataas ng Diyos sa Kanyang trono at sa sapilitang pananakop ni Satanas? Nais ng Diyos na matamo ang puso ng tao, nais Niyang sakupin ang puso ng tao—ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ba ito na nais ng Diyos na ang tao ay maging mga tau-tauhan Niya, mga makina Niya? (Hindi.) Kaya ano ang layunin ng Diyos? May pagkakaiba ba sa pagitan ng pagnanais ng Diyos na masakop ang puso ng tao sa sapilitang pananakop at pagsapi ni Satanas sa tao? (Oo.) Ano ang pagkakaiba? Malinaw mo bang masasabi sa Akin? (Ginagawa ito ni Satanas nang sapilitan samantalang hinahayaan ng Diyos na magkusa ang tao.) Ito ba ang kaibahan? Ano ang pakinabang ng Diyos sa iyong puso? At ano ang pakinabang ng Diyos sa pagsakop sa iyo? Ano ang pagkaunawa ninyo sa inyong puso ng “sinasakop ng Diyos ang puso ng tao”? Dapat tayong maging patas sa paraan ng pagsasalita natin tungkol sa Diyos dito, kung hindi, ang mga tao ay palaging magkakaroon ng maling pagkaunawa, at iisiping: “Palaging nais ng Diyos na sakupin ako. Ano ang dahilan at nais Niya akong sakupin? Ayaw kong masakop, nais ko lamang na maging panginoon ng aking sarili. Sinasabi mong sinasakop ni Satanas ang mga tao, subalit sinasakop din ng Diyos ang mga tao. Hindi ba magkapareho ang mga ito? Hindi ko nais na pahintulutang sakupin ako ninuman. Ako ay ako!” Ano ang pagkakaiba rito? Pag-isipan ito. Tinatanong Ko kayo, isa bang hungkag na parirala ang “sinasakop ng Diyos ang tao”? Ang pagsakop ba ng Diyos sa tao ay nangangahulugan na Siya ay nananahan sa iyong puso, at pinangingibabawan ang bawat salita at bawat galaw mo? Kung sinasabihan ka Niya na umupo, mangangahas ka ba na hindi tumayo? Kung sinasabihan ka Niya na magpunta sa silangan, mangangahas ka ba na hindi pumunta sa kanluran? Ang “pananakop” ba na ito ay nakaayon sa mga linyang ito? (Hindi ito nakaayon. Nais ng Diyos na isabuhay ng tao kung anong mayroon at kung ano ang Diyos.) Sa loob ng mga taon na ito na pinangasiwaan ng Diyos ang tao, sa Kanyang gawain sa tao hanggang sa kasalukuyan sa huling yugtong ito, ano ang nilalayong epekto sa tao ng lahat ng salita na winika Niya? Ito ba ay ang maisabuhay ng tao kung anong mayroon at kung ano ang Diyos? Kung titingnan ang literal na kahulugan ng “sinasakop ng Diyos ang puso ng tao,” tila ba kinukuha ng Diyos ang puso ng tao at sinasakop ito, nananahan dito at hindi na muling lalabas; Siya ay nagiging panginoon ng tao at nagagawang pangibabawan at hawakan ang puso ng tao ayon sa kalooban Niya, upang gawin ng tao ang anumang sinasabi ng Diyos na gawin niya. Kung gayon, para bagang bawat tao ay maaaring maging Diyos at magtaglay ng Kanyang diwa at disposisyon. Kaya sa usaping ito, makakapagsagawa ba ang tao ng mga gawain ng Diyos? Maaari bang maipaliwanag ang “pagsakop” sa ganitong paraan? (Hindi.) Ano ito kung gayon? Itinatanong Ko ito sa inyo: Ang lahat ba ng salita at katotohanan na itinutustos ng Diyos sa tao ay isang pahayag ng diwa ng Diyos at ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya? (Oo.) Ito ay tiyak na totoo. Subalit kinakailangan ba na isinasagawa at tinataglay mismo ng Diyos ang lahat ng salita na itinutustos ng Diyos sa tao? Pag-isipan ito. Kapag hinahatulan ng Diyos ang tao, bakit Siya humahatol? Saan nanggaling ang mga salitang ito? Ano ang nilalaman ng mga salitang ito na winiwika ng Diyos kapag hinahatulan Niya ang tao? Saan nakabatay ang mga ito? Ang mga ito ba’y nakabatay sa tiwaling disposisyon ng tao? (Oo.) Kung gayon ang epekto ba na nakamit sa paghatol ng Diyos sa tao ay nakabatay sa diwa ng Diyos? (Oo.) Kung gayon ang “pagsakop” ba ng Diyos “sa tao” ay isang hungkag na parirala? Tiyak na hindi. Kung gayon bakit sinasabi ng Diyos ang mga salitang ito sa tao? Ano ang layunin Niya sa pagsasabi ng ganitong mga salita? Nais ba Niyang gamitin ang mga salitang ito upang magsilbing buhay ng tao? (Oo.) Nais ng Diyos na gamitin ang lahat ng katotohanang ito na winika Niya sa mga salitang ito para magsilbing buhay ng tao. Kapag tinanggap ng tao ang lahat ng katotohanang ito at ang salita ng Diyos at pinairal ang mga ito sa kanyang sariling buhay, makasusunod ba kung gayon ang tao sa Diyos? Matatakot ba kung gayon ang tao sa Diyos? Malalayuan ba kung gayon ng tao ang kasamaan? Kapag narating ng tao ang puntong ito, makasusunod na ba siya kung gayon sa dakilang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos? Ang tao ba kung gayon ay nasa posisyon na upang magpasakop sa awtoridad ng Diyos? Kapag ang mga taong katulad ni Job, o ni Pedro ay nakarating na sa kanilang hangganan, kapag ang kanilang buhay ay maituturing na nakaabot na sa kahustuhan, kapag mayroon silang tunay na pagkaunawa sa Diyos—maaari pa rin ba silang iligaw ni Satanas? Masasakop pa rin ba sila ni Satanas? Masasapian pa rin ba sila nang sapilitan ni Satanas? (Hindi.) Kaya anong uri ng tao ito? Ito ba ay isang tao na ganap na natamo ng Diyos? (Oo.) Sa antas na ito ng pakahulugan, paano ninyo titingnan ang ganitong uri ng tao na ganap na natamo ng Diyos? Sa pananaw ng Diyos, sa ganitong mga kalagayan, nasakop na Niya ang puso ng taong ito. Ngunit ano ang nararamdaman ng taong ito? Nagiging buhay ba sa loob ng tao ang salita ng Diyos, ang awtoridad ng Diyos, at ang daan ng Diyos, upang ang mga bagay na ipinamumuhay niya gayundin ang diwa niya ay maging sapat upang bigyan-kasiyahan ang Diyos? Sa pananaw ng Diyos, ang puso ba ng sangkatauhan sa mismong sandaling ito ay nasasakop Niya? (Oo.) Paano ninyo nauunawaan ang antas na ito ng pakahulugan sa ngayon? Ang Espiritu ba ng Diyos ang sumasakop sa iyo? (Hindi, ito ang salita ng Diyos na sumasakop sa atin.) Ito ang daan ng Diyos at ang salita ng Diyos na naging buhay mo, at ito ang katotohanan na naging buhay mo. Sa panahong ito, taglay kung gayon ng tao ang buhay na nanggagaling sa Diyos, ngunit hindi natin masasabi na ang buhay na ito ay buhay ng Diyos. Sa madaling salita, hindi natin masasabi na ang buhay ng tao na nagmula dapat sa salita ng Diyos ay ang buhay ng Diyos. Kaya gaano man katagal na sinusunod ng tao ang Diyos, gaano man karaming salita ang matamo ng tao mula sa Diyos, ang tao ay hindi kailanman magiging Diyos. Sabihin man isang araw ng Diyos, “Nasakop Ko na ang iyong puso, tinataglay mo na ngayon ang Aking buhay,” mararamdaman mo ba kung gayon na ikaw ay Diyos? (Hindi.) Magiging ano ka kung gayon? Hindi ka kaya magkakaroon ng lubos na pagsunod sa Diyos? Hindi kaya mapupuno ang iyong puso ng buhay na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos? Ito ay labis na normal na pagpapamalas ng nangyayari kapag sinasakop ng Diyos ang puso ng tao. Ito ay katotohanan. Kaya kung titingnan ito mula sa aspetong ito, ang tao ba ay maaaring maging Diyos? Kapag nagawa ng taong isabuhay ang realidad ng mga salita ng Diyos, at naging isang taong natatakot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, matataglay ba ng tao ang diwa ng buhay at kabanalan ng Diyos? Hinding-hindi. Anuman ang mangyari, ang tao ay tao pa rin pagkatapos ng lahat. Ikaw ay isang nilikha; nang matanggap mo ang salita ng Diyos mula sa Diyos at tinanggap ang daan ng Diyos, tinataglay mo lamang ang buhay na nagmumula sa mga salita ng Diyos, ikaw ay naging isang taong pinupuri ng Diyos, ngunit hindi mo kailanman tataglayin ang diwa ng buhay ng Diyos, lalo na ang kabanalan ng Diyos.

Balikan natin ngayon ang paksang katatalakay lamang natin. Sa talakayang ito, tinanong Ko kayo ng isang katanungan—si Abraham ba ay banal? Si Job ba ay banal? (Hindi.) Ang “kabanalan” na ito ay kumakatawan sa diwa at disposisyon ng Diyos, at ang tao’y lubhang kulang. Wala sa tao ang diwa ng Diyos o ang disposisyon ng Diyos. Kahit naranasan na ng tao ang lahat ng salita ng Diyos at nasangkapan na siya ng kanyang realidad, hindi pa rin maaaring taglayin ng tao ang banal na diwa ng Diyos kailanman; ang tao ay tao. Naiintindihan ninyo, tama ba? Kaya ano ang pagkaunawa ninyo ngayon sa pariralang ito: “sinasakop ng Diyos ang puso ng tao”? (Ito ay ang mga salita ng Diyos, ang daan ng Diyos at ang Kanyang katotohanan na nagiging buhay ng tao.) Naisaulo na ninyo ang mga salitang ito. Umaasa Ako na magkakaroon kayo ng mas malalim na pagkaunawa. Maaaring itanong ng ilang tao, “Bakit sinasabi kung gayon na ang mga sugo at ang mga anghel ng Diyos ay hindi banal?” Ano ang palagay ninyo sa tanong na ito? Marahil ay hindi ninyo ito isinasaalang-alang dati. Gagamit Ako ng simpleng halimbawa: Kapag pinaandar mo ang isang robot, kapwa ito makakapagsayaw at makakapagsalita, at maiintindihan mo ang sinasabi nito. Maaaring tawagin mo itong kaakit-akit at masigla, ngunit hindi nito mauunawaan sapagkat wala itong buhay. Kapag pinatay mo ang pinagkukunan ng kuryente nito, makagagalaw pa kaya ito? Kapag umaandar ang robot na ito, maaari mong makita na ito ay masigla at kaakit-akit. Suriin mo ito, maging ito man ay isang makabuluhang pagsusuri o mababaw na pagsusuri, subalit sa paano mang paraan, makikita mo na ito ay gumagalaw. Ngunit kapag pinatay mo ang pinagkukunan ng kuryente nito, may nakikita ka bang anumang uri ng personalidad dito? Nakikita mo ba na ito ay nagtataglay ng anumang uri ng diwa? Nauunawaan mo ba ang kahulugan ng Aking sinasabi? Sa madaling salita, bagaman ang robot na ito ay nakagagalaw at nakakahinto ito, hindi mo kailanman mailalarawan na nagtataglay ito ng anumang uri ng diwa. Hindi ba ito isang katotohanan? Ngayon, hindi na natin pag-uusapan pa ito. Sapat na para sa inyo ang magkaroon ng pangkalahatang pagkaunawa sa kahulugan. Tapusin na natin ang ating pagbabahagi dito. Paalam!

Disyembre 17, 2013

Talababa:

a. Ang “orasyon sa paghihigpit ng benda” ay isang orasyon na ginagamit ng mongheng si Tang Sanzang sa nobelang Chinese na Journey to the West. Ginagamit niya ang orasyong ito para pigilan si Sun Wukong sa pamamagitan ng paghihigpit ng isang bendang bakal sa palibot ng ulo ng huli, na nagbibigay rito ng matitinding sakit ng ulo kaya nakokontrol niya ito. Naging isang metapora ito para ilarawan ang isang bagay na gumagapos sa isang tao.

Sinundan: Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III

Sumunod: Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito