Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat

Ano ang personal ninyong karanasan sa pagiging matapat na tao? (Mahirap talaga ang pagiging matapat na tao.) Bakit mahirap ito? (Gusto ko talagang maging matapat na tao. Ngunit, kapag sinusuri ko ang sarili ko sa bawat araw, natutuklasan kong hindi ako matapat at maraming karumihan sa aking pananalita. Kung minsan ay hinahaluan ko ng mga damdamin ang aking mga salita, o mayroon akong mga partikular na motibo kapag nagsasalita ako. Minsan ay medyo nanlilinlang ako, o nagpapaliguy-ligoy, o nagsasabi ng mga bagay na taliwas sa realidad—mga mapanlinlang na bagay, mga bagay na bahagyang totoo lamang, at iba pang uri ng kasinungalingan, lahat ng ito ay upang matupad ang isang layunin.) Ang lahat ng pag-uugaling ito ay nagmumula sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao; nabibilang ang mga ito sa bahagi ng mga tao na buktot at mapanlinlang. Bakit pinaglalaruan ng mga tao ang pagiging mapanlinlang? Ito ay upang maisakatuparan ang sarili nilang mga mithiin, upang makamit ang sarili nilang mga layunin, kung kaya’t gumagamit sila ng mga pailalim na pamamaraan. Sa paggawa nito ay hindi sila bukas at tuwiran, at hindi sila matatapat na tao. Sa ganitong mga pagkakataon ay inihahayag ng mga tao ang pagiging mapanira at tuso nila, o ang pagiging mapaminsala kasuklam-suklam nila. Ito ang mahirap sa pagiging matapat: Dahil nasa puso ng isang tao ang mga tiwaling disposisyong ito, magmumukha ngang napakahirap na maging matapat na tao. Ngunit kung isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, at nagagawa mong tanggapin ang katotohanan, hindi masyadong magiging mahirap ang pagiging matapat na tao. Madarama mo na higit na madali ito. Alam na alam ng mga mayroong personal na karanasan na ang pinakamalalaking balakid sa pagiging matapat na tao ay ang pagiging mapaminsala ng mga tao, ang kanilang pagiging mapanlinlang, kanilang kabuktutan, at kanilang mga kasuklam-suklam na hangarin. Hangga’t nananatili ang mga tiwaling disposisyong ito, magiging napakahirap ng pagiging matapat na tao. Kayong lahat ay nagsasanay na maging matatapat na tao, kaya’t may kaunti kayong karanasan dito. Kumusta ang naging mga karanasan ninyo? (Araw-araw ay isinusulat ko ang lahat ng basura at kasinungalingang nasabi ko. Pagkatapos, sinusuri at hinihimay ko ang aking sarili. Natuklasan kong may partikular na hangarin sa likod ng karamihan sa mga kasinungalingang ito, at na sinabi ko ang mga ito alang-alang sa banidad at pag-iwas sa kahihiyan. Kahit na alam kong hindi naaayon sa katotohanan ang sinasabi ko, hindi ko pa rin mapigilang magsinungaling at magpanggap.) Ito ang napakahirap sa pagiging matapat na tao. Hindi mahalaga kung may kamalayan ka man dito o wala; ang susing usapin ay nagmamatigas ka pa ring ipagpatuloy ang pagsisinungaling, kahit na nalalaman mong mali ang ginagawa mo, upang maisakatuparan ang iyong mga layunin, upang mapanatili ang sarili mong imahe at reputasyon, at anumang pahayag ng kawalan ng kaalaman ay isang kasinungalingan. Ang susi sa pagiging matapat na tao ay ang paglutas sa iyong mga motibo, iyong mga hangarin, at iyong mga tiwaling disposisyon. Ito ang tanging paraan upang malutas ang ugat ng problema ng pagsisinungaling. Ang makamit ang mga personal na layunin ng isang tao, o ang personal na makinabang, masamantala ang isang sitwasyon, mapaganda ang imahe niya, o makuha ang pagsang-ayon ng iba—ito ang mga hangarin at layunin ng mga tao kapag nagsisinungaling sila. Ang ganitong uri ng pagsisinungaling ay naghahayag ng isang tiwaling disposisyon, at ito ang pagkilatis na kailangan mo tungkol sa pagsisinungaling. Kaya, paano dapat lutasin ang tiwaling disposisyong ito? Nakasalalay ang lahat ng ito sa kung minamahal mo ang katotohanan o hindi. Kung kaya mong tanggapin ang katotohanan at magsalita nang hindi isinusulong ang iyong sarili; kung kaya mong itigil ang pagsasaalang-alang sa sarili mong mga interes at sa halip ay isaalang-alang ang gawain ng iglesia, ang mga layunin ng Diyos, at ang mga interes ng mga hinirang ng Diyos, ititigil mo na ang pagsisinungaling. Magagawa mong magsalita nang makatotohanan, at tuwiran. Kung wala ang tayog na ito, hindi mo magagawang magsalita nang makatotohanan, patutunayan nito na kulang ang tayog mo at na hindi mo kayang isagawa ang katotohanan. Kung kaya, ang pagiging matapat na tao ay nangangailangan ng isang proseso ng pag-unawa sa katotohanan, isang proseso ng pagtaas ng tayog. Kapag tiningnan natin ito nang ganito, imposibleng maging matapat na tao nang walang walo hanggang sampung taon ng karanasan. Ang panahong ito ay ang proseso ng paglago sa buhay ng isang tao, ang proseso ng pag-unawa at pagtatamo sa katotohanan. Maaaring itanong ng ilang tao: “Talaga bang ganoon kahirap ang paglutas sa problema ng pagsisinungaling at ang pagiging matapat na tao?” Depende iyon sa kung sino ang tinutukoy mo. Kung isa itong taong nagmamahal sa katotohanan, magagawa niyang itigil ang pagsisinungaling pagdating sa mga partikular na bagay. Ngunit kung isa itong taong hindi nagmamahal sa katotohanan, ang pagtigil sa pagsisinungaling ay lalo pang magiging mahirap.

Ang pagsasanay sa sarili na maging isang matapat na tao ay pangunahing isang usapin ng paglutas sa problema ng pagsisinungaling, pati na ng paglutas sa tiwaling disposisyon ng isang tao. Ang paggawa rito ay nangangailangan ng isang mahalagang gawain: Kapag napagtanto mong ikaw ay nakapagsinungaling sa isang tao at nalinlang mo siya, dapat kang magtapat sa kanya, maglantad ng iyong sarili, at manghingi ng tawad. Malaki ang pakinabang ng pagsasagawang ito sa kalutasan ng pagsisinungaling. Halimbawa, kung nalinlang mo ang isang tao o kung may karumihan o personal na hangarin sa mga salitang iyong sinabi sa kanya, dapat mo siyang lapitan at suriin ang iyong sarili. Dapat mong sabihin sa kanya: “Ang sinabi ko sa iyo ay isang kasinungalingan, nakadisenyo ito upang protektahan ang sarili kong pride. Nabalisa ako matapos ko itong sabihin, kaya nanghihingi ako sa iyo ng tawad ngayon. Pakiusap, patawarin mo ako.” Magiging masaya ang pakiramdam ng taong iyon. Mapapaisip siya kung paanong mayroong isang tao na, matapos magsinungaling, ay manghihingi ng tawad dahil dito. Ang gayong lakas ng loob ay isang bagay na talagang hinahangaan niya. Ano ang mga pakinabang na natatamo ng isang tao sa pagsasagawa niyon? Ang layunin nito ay hindi ang matamo ang paghanga ng iba, kundi ang mas epektibong mapigilan at mahadlangan ang sarili sa pagsisinungaling. Kaya, pagkatapos magsinungaling, kailangan mong isagawa ang paghingi ng tawad sa paggawa niyon. Habang mas sinasanay mo ang iyong sarili na isagawa ang pagsusuri, paglalantad sa iyong sarili, at paghingi ng tawad sa mga tao nang ganito, lalong gaganda ang mga resulta—at mababawasan nang mababawasan ang pagsisinungaling mo. Ang pagsasagawa ng pagsusuri at paglalantad sa iyong sarili upang maging matapat na tao at mapigilan ang iyong sarili na magsinungaling ay nangangailangan ng lakas ng loob, at ang paghingi ng tawad sa isang tao matapos magsinungaling sa kanya ay nangangailangan ng mas higit pang lakas ng loob. Kung isasagawa mo ito sa loob ng isa o dalawang taon—o marahil sa loob ng tatlo hanggang limang taon—garantisadong makakikita ka ng malilinaw na resulta, at hindi ka mahihirapang maiwaksi ang mga kasinungalingan. Ang pagwawaksi ng mga kasinungalingan sa iyong sarili ang unang hakbang tungo sa pagiging matapat na tao, at hindi ito magagawa nang walang tatlo o limang taon ng pagsisikap. Matapos malutas ang problema ng pagsisinungaling, ang ikalawang hakbang ay lutasin ang problema ng panlilinlang at panlalansi. Minsan, hindi kinakailangan ng isang taong magsinungaling para manlansi at manlinlang—maisasakatuparan ang mga bagay na ito sa pamamagitan lamang ng pagkilos. Maaaring mukhang hindi nagsisinungaling ang isang tao, ngunit nagkikimkim pa rin siya ng panlilinlang at panlalansi sa kanyang puso. Siya ang pinakanakaaalam nito, dahil napag-isipan na niya ito nang lubusan at naisaalang-alang nang mabuti. Magiging madali para sa kanya na makilala ito matapos magnilay-nilay kalaunan. Sa sandaling malutas na ang problema ng pagsisinungaling, kung ihahambing ay bahagyang mas magiging madali nang lutasin ang mga problema ng panlilinlang at panlalansi. Ngunit kailangang magtaglay ang isang tao ng pusong may takot sa Diyos, dahil ang tao ay pinangingibabawan ng intensiyon kapag siya ay nanlilinlang at nanlalansi. Hindi ito mahihiwatigan ng iba mula sa labas, ni hindi nila makikilatis ito. Tanging ang Diyos ang makasisiyasat nito, at tanging Siya ang nakaaalam nito. Samakatuwid, malulutas lamang ng isang tao ang mga problema ng panlilinlang at panlalansi sa pamamagitan ng pag-asa sa pagdarasal sa Diyos at pagtanggap sa Kanyang pagsisiyasat. Kung ang isang tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan o natatakot sa Diyos sa kanyang puso, hindi malulutas ang kanyang panlilinlang at panlalansi. Maaari kang magdasal sa harap ng Diyos at umamin sa iyong mga pagkakamali, maaari kang magtapat at magsisi, o maaari mong himayin ang iyong tiwaling disposisyon—sabihin nang matapat kung ano ang iyong iniisip noong panahong iyon, kung ano ang iyong sinabi, kung ano ang iyong layunin noon, at kung paano ka nanlinlang. Kung tutuusin ay madaling gawin ang lahat ng ito. Gayunpaman, kung hihingin sa iyo na ilantad ang iyong sarili sa isa pang tao, maaaring mawala ang lakas ng loob at determinasyon mo dahil gusto mong makaiwas sa kahihiyan. Kung ganoon ay labis kang mahihirapang magtapat at maglantad ng iyong sarili. Marahil ay kaya mong aminin, nang pangkalahatan, na paminsan-minsan ay namamalayan mong nagsasalita o kumikilos ka batay sa mga personal mong layunin at hangarin; na mayroong antas ng panlilinlang, karumihan, mga kasinungalingan o panlalansi sa mga bagay na iyong ginagawa o sinasabi. Subalit, kapag may nangyari at kakailanganin mong suriin ang iyong sarili, ilantad kung paano nangyari ang mga bagay-bagay mula sa umpisa hanggang sa huli, ipaliwanag kung alin sa mga salitang iyong sinabi ang mapanlinlang, kung ano ang hangarin sa likod ng mga iyon, kung ano ang iniisip mo, at kung nagiging mapaminsala o masama ka man o hindi, ayaw mong maging partikular o magbigay ng mga detalye. Pagtatakpan pa nga ng ilang tao ang mga bagay-bagay, sasabihing: “Ganoon lang talaga ang mga bagay-bagay. Medyo mapanlinlang, mapaminsala, at hindi maaasahang tao lang talaga ako.” Ipinakikita nito ang kawalan nila ng kakayahang harapin nang tama ang kanilang tiwaling diwa, o kung gaano sila kamapanlinlang at kamapaminsala. Ang mga taong ito ay laging nasa kondisyon at kalagayan ng pag-iwas. Palagi nilang pinatatawad at pinagbibigyan ang kanilang sarili, at hindi nila magawang magdusa o magbayad ng halaga upang maisagawa ang katotohanan ng pagiging matapat na tao. Maraming taong ilang taon nang nangangaral ng mga salita at mga doktrina, palaging sinasabing: “Masyado akong mapanlinlang at mapaminsala, palaging may panlalansi sa aking mga kilos, at hindi ko talaga tinatrato nang taos-puso ang mga tao.” Ngunit matapos iyong isigaw sa loob ng napakaraming taon, nananatili silang kasing mapanlinlang ng dati, dahil kailanman ay hindi sila mariringgan ng tunay na pagsusuri o pagsisisi kapag inilalantad nila ang mapanlinlang na kalagayang ito. Hinding-hindi sila naglalantad ng kanilang sarili sa iba o nanghihingi ng tawad matapos magsinungaling o manlansi ng mga tao, lalong hindi sila nagbabahagi tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan ng paghihimay at pagkakilala sa sarili sa mga pagtitipon. Hindi rin nila kailanman sinasabi kung paano nila nakilala ang kanilang sarili o kung paano sila nagsisi tungkol sa gayong mga usapin. Hindi nila ginagawa ang mga bagay na ito, na nagpapatunay na hindi nila kilala ang kanilang sarili at hindi sila tunay na nagsisi. Kapag sinasabi nilang sila ay mapanlinlang at gusto nilang maging matapat na tao, nagsisigaw lang sila ng mga salawikain at nangangaral ng doktrina, wala nang iba. Maaaring ginagawa nila ang mga bagay na ito dahil sinusubukan nilang umayon sa nangingibabaw na opinyon at sumunod sa nakararami. O, maaaring itinutulak sila ng kapaligiran ng buhay iglesia na gumawa nang wala sa loob at magpanggap. Alinman doon, ang gayong mga nagsisigaw ng salawikain at nangangaral ng doktrina ay hinding-hindi magsisisi nang tunay, at talagang hindi nila matatamo ang pagliligtas ng Diyos.

Ang bawat katotohanang hinihingi ng Diyos na isagawa ng mga tao ay nagtatakda sa kanilang magbayad ng halaga, na talagang isagawa at danasin ang mga iyon sa kanilang mga tunay na buhay. Hindi hinihingi ng Diyos sa mga tao na sumunod sa salita lamang sa pamamagitan ng pagbigkas lang ng mga salita at doktrina, pagsasalita tungkol sa pagkakilala sa sarili, pagkilala na sila ay mapanlinlang, na sila ay mga sinungaling, na sila ay baliko, mapanlinlang at, mapanlansi, o na sabihin nila ang mga bagay na ito nang malakas at nang ilang beses at pagkatapos ay tumigil na. Kung aaminin ng isang tao ang lahat ng ito subalit pagkatapos gawin iyon ay hindi magbabago kahit kaunti; kung magpapatuloy siya sa pagsisinungaling, pandaraya, at pagiging mapanlinlang; kung gagamitin niya ang parehong mga satanikong panlalansi, ang parehong mga satanikong pamamaraan kapag may kinahaharap siya; kung ang kanyang mga gawi at pamamaraan ay hindi kailanman nagbabago, kaya ba ng taong ito na pumasok sa katotohanang realidad? Magagawa ba niya kailanman na baguhin ang kanyang disposisyon? Hindi—hindi kailanman! Dapat magawa mong magnilay at makilala ang iyong sarili. Dapat kang magkaroon ng tapang na magtapat at maglantad ng iyong sarili sa presensya ng mga kapatid, at magbahagi ng iyong tunay na kalagayan. Kung hindi ka maglalakas-loob na ilantad o suriin ang iyong tiwaling disposisyon; kung hindi ka maglalakas loob na aminin ang iyong mga pagkakamali, hindi mo hinahangad ang katotohanan, lalo nang hindi ka isang tao na kilala ang kanyang sarili. Kung ang lahat ay katulad ng mga relihiyosong tao na nagpapasikat upang makuha ang paghanga ng iba, na nagpapatotoo sa kung gaano nila kamahal ang Diyos, kung gaano sila nagpapasakop sa Kanya, kung gaano sila katapat sa Kanya at kung gaano sila kamahal ng Diyos, para lamang makuha ang paggalang at paghanga ng iba; at kung ang lahat ay nagkikimkim ng mga pansarili nilang plano at nagpapanatili ng pribadong puwang sa kaibuturan ng kanilang puso, paano makapagsasalita ang sinuman tungkol sa mga tunay na karanasan? Paano magkakaroon ang sinuman ng mga tunay na karanasan na maipararating sa isa’t isa? Ang makipagtalakayan at makipagbahaginan tungkol sa iyong mga karanasan ay nangangahulugan na pakikipagbahaginan ng iyong karanasan at kaalaman sa mga salita ng Diyos. Ito ay tungkol sa pagpapahayag sa bawat kaisipang nasa iyong puso, sa iyong kalagayan, at sa tiwaling disposisyong nahahayag sa iyo. Tungkol ito sa pagpapahintulot sa ibang makilatis ang mga bagay na ito, at pagkatapos ay lutasin ang problema sa pamamagitan ng pagbabahagi sa katotohanan. Kapag ang mga karanasan ay ipinagbahaginan sa ganitong paraan, saka lamang makikinabang ang lahat at maaani ang mga gantimpala. Ito lamang ang tunay na buhay-iglesia. Kung walang kabuluhang pagsasalita lamang ito tungkol sa iyong mga kabatiran sa mga salita ng Diyos o sa isang himno, at pagkatapos ay makikipagbahaginan ka kung paano mo naisin nang hanggang doon na lang, nang hindi isinasama ang iyong mga aktuwal na kalagayan o problema, ang gayong uri ng pagbabahaginan ay walang pakinabang. Kung ang lahat ay nagsasalita tungkol sa kaalaman sa doktrina o teorya, ngunit walang sinasabi tungkol sa kaalamang natamo nila mula sa aktwal na mga karanasan; at kung, kapag nagbabahagi ng katotohanan, iniiwasan nilang pag-usapan ang mga personal nilang buhay, ang mga problema nila sa tunay na buhay, at ang mga sarili nilang panloob na mundo, paano magkakaroon ng tunay na pag-uusap? Paano magkakaroon ng tunay na pagtitiwala? Hindi magkakaroon! Kung hindi kailanman sinasabi ng isang babae sa kanyang asawa ang mga salitang nasa puso niya, mabibilang ba iyong intimasiya? Malalaman kaya nila ang nasa isip ng isa’t isa? (Hindi, hindi nila malalaman.) Ipagpalagay natin, kung ganoon, na palagi nilang sinasabing, “Mahal kita.” Ito lang ang sinasabi nila, ngunit hindi nila kailanman inilalantad o sinasabi sa isa’t isa ang talagang iniisip nila sa kaibuturan nila, kung ano ang inaasahan nila sa asawa nila, o kung ano ang mga problema nila. Kailanman ay hindi nila ipinagtatapat ang mga bagay-bagay sa isa’t isa, at kapag magkasama sila, mabababaw na usapan lang ang mayroon sila para sa isa’t isa. Kung ganoon ay talaga bang mag-asawa sila? Siguradong hindi! Gayundin, kung nakakaya ng mga kapatid na magsabi ng niloloob sa isa’t isa, tulungan ang isa’t isa, at tustusan ang isa’t isa, ang bawat tao ay kailangang magsalita tungkol sa kanya-kanya nilang tunay na karanasan. Kung wala kang sinasabi tungkol sa mga sarili mong tunay na karanasan—kung ipinangangaral mo lamang ang mga salita at doktrina na nauunawaan ng tao, kung ipinangangaral mo lamang ang kaunting doktrina tungkol sa pananampalataya sa Diyos at nagsasabi ng gasgas na mga bukambibig, at hindi ipinagtatapat kung ano ang nasa iyong puso—kung gayon ikaw ay hindi isang taong tapat, at hindi mo kayang maging matapat. Gamit ang parehong halimbawa: habang magkasamang namumuhay sa loob ng ilang taon, sinusubukan ng mag-asawang lalaki at babae na masanay sa isa’t isa, nag-aaway paminsan-minsan. Ngunit kung pareho kayong may normal na pagkatao, at palagi kang nakikipag-usap sa kanya nang mula sa puso, at ganoon din naman siya sa iyo, tungkol sa anumang paghihirap na nasasagupa mo sa buhay o sa trabaho, anuman ang iniisip mo sa kaibuturan mo at paano mo man ipinaplanong isaayos ang mga bagay-bagay, o ano ang mga ideya o plano mo para sa kinabukasan ng inyong mga anak, at sinasabi mo sa iyong asawa ang lahat ng bagay na ito, hindi ba’t mararamdaman ninyong dalawa na matalik na matalik kayo sa isa’t isa? Ngunit kung kailanman ay hindi niya sinasabi ang kanyang pinakatatagong mga kaisipan, at nag-uuwi lang ng suweldo; kung hindi mo kailanman sinasabi sa kanya ang iyong sariling mga saloobin at hindi kayo kailanman nagtatapat sa isa’t isa, hindi ba’t magkakaroon ng emosyonal na distansiya sa pagitan ninyong dalawa? Tiyak na magkakaroon, dahil hindi ninyo nauunawaan ang mga saloobin o plano ng isa’t isa. Sa huli, hindi mo matutukoy kung anong uri ng tao ang iyong asawa, at hindi rin niya matutukoy kung anong uri ka ng tao. Hindi mo mauunawaan ang kanyang mga pangangailangan, at hindi rin niya mauunawaan ang sa iyo. Kung walang pasalita o espirituwal na pakikipag-usap, kung gayon ay walang anumang posibilidad na maging matalik sila sa isa’t isa, at hindi nila magagawang tustusan ang isa’t isa o tulungan ang isa’t isa. Naranasan na ninyo ito noon, hindi ba? Kung ipinagtatapat ng iyong kaibigan ang lahat ng bagay sa iyo, sinasabi ang lahat ng kanyang iniisip at anumang pagdurusa o kaligayahan na kinikimkim niya, hindi ba’t mararamdaman mong malapit na malapit ka sa kanya? Ang dahilan kung bakit handa siyang sabihin sa iyo ang mga bagay na ito ay dahil ipinagtapat mo rin ang mga pinakatatago mong saloobin sa kanya. Malapit na malapit kayo sa isa’t isa, at dahil dito ay labis kayong nagkakasundo at nakapagtutulungan. Kung wala ang ganitong uri ng pag-uusap at palitan sa pagitan ng mga kapatid sa iglesia, hindi sila magkakasundo, at magiging imposible para sa kanila na magtulungan nang maayos habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Iyon ang dahilan kung bakit kinakailangan ng espirituwal na pag-uusap, at ng kakayahang magsalita nang mula sa puso sa pagbabahaginan ng katotohanan. Isa ito sa mga prinsipyong kailangang taglayin ng isang tao upang maging matapat na tao.

Kapag naririnig ng ibang tao na, para maging isang tapat na tao, kailangang magsabi ang isang tao ng totoo at magsalita mula sa puso, at kung magsisinungaling o manlilinlang siya ay kailangan niyang magtapat, ilantad ang sarili niya, at aminin ang mga pagkakamali niya, sinasabi niya; “Mahirap maging tapat. Kailangan ko bang sabihin ang lahat ng iniisip ko sa iba? Hindi pa ba sapat na magbahagi ng mga positibong bagay? Hindi ko kailangang sabihin sa iba ang aking madilim o tiwaling bahagi, hindi ba?” Kung hindi mo ilalantad ang iyong sarili sa iba, at hindi sinusuri ang iyong sarili, sa gayon hindi mo kailanman makikilala ang iyong sarili. Hindi mo kailanman makikilala kung anong uri ka ng bagay, at hindi magagawa kailanman ng ibang tao na magtiwala sa iyo. Ito ay isang katunayan. Kung gusto mo na magtiwala sa iyo ang iba, dapat munang ikaw ay maging tapat. Upang maging isang tapat na tao, dapat mo munang ilantad ang iyong puso upang matingnan ito ng lahat, makita ang lahat ng iniisip mo, at masilayan ang iyong tunay na mukha. Kailangan ay hindi mo subukang magpanggap, o pagtakpan ang iyong sarili. Saka lamang magtitiwala ang iba sa iyo at ituturing kang isang matapat na tao. Ito ay ang pinakasaligang pagsasagawa, at isang pang-unang kailangan sa pagiging isang matapat na tao. Kung palagi kang nagpapanggap, palaging nagkukunwaring banal, marangal, dakila, at mataas ang pagkatao; kung hindi mo hinahayaang makita ng mga tao ang iyong katiwalian at iyong mga kapintasan; kung inihaharap mo ang isang huwad na imahe sa mga tao upang maniwala sila na ikaw ay may integridad, na ikaw ay dakila, mapagsakripisyo sa sarili, makatarungan, at di-makasarili, hindi ba’t panlilinlang at kabulaanan ito? Hindi ba makikita ng mga tao ang tunay mong pagkatao, pagtagal-tagal? Kaya, huwag kang magpanggap o magtakip sa iyong sarili. Sa halip, ilantad ang sarili mo at ang puso mo para makita ng iba. Kung mailalantad mo ang puso mo para makita ng iba, at mailalantad mo ang lahat ng iniisip mo at mga balak—kapwa positibo at negatibo—hindi ba’t katapatan iyon? Kung nailalantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, kung gayon makikita ka rin ng Diyos. Sasabihin Niya: “Kung nailantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, tiyak na tapat ka sa harapan Ko.” Ngunit kung inilalantad mo lamang ang sarili mo sa Diyos kapag hindi nakikita ng ibang tao, at palaging nagpapanggap na dakila at marangal o di-makasarili kapag kasama sila, ano ang iisipin sa iyo ng Diyos? Ano ang sasabihin Niya? Sasabihin Niya: “Isa kang napakamapanlinlang na tao. Ikaw ay napakamapagpaimbabaw at kasuklam-suklam, at hindi ka isang matapat na tao.” Sa gayon ay kokondenahin ka ng Diyos. Kung nais mo na maging isang matapat na tao, nasa harapan ka man ng Diyos o ng ibang tao, dapat magawa mong magbigay ng isang dalisay at tapat na salaysay tungkol sa panloob mong kalagayan at mga salita sa puso mo. Madali ba itong makamtan? Nangangailangan ito ng panahon ng pagsasanay, pati na ng madalas na pagdarasal sa Diyos at pag-asa sa Diyos. Kailangan mong sanayin ang iyong sarili na sabihin nang simple at hayagan ang mga salitang nasa iyong puso tungkol sa lahat ng bagay. Sa ganitong uri ng pagsasanay, magagawa mong umunlad. Kung makaranas ka ng matinding paghihirap, dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan; kailangan mong makipaglaban sa puso mo at madaig ang laman, hanggang sa maisagawa mo na ang katotohanan. Sa pagsasanay sa sarili mo nang ganito, paunti-unti, magbubukas nang dahan-dahan ang puso mo. Lalo ka pang magiging dalisay, at iba na ang magiging epekto ng mga salita at kilos mo sa dati. Mababawasan nang mababawasan ang iyong mga kasinungalingan at pandaraya, at magagawa mong mamuhay sa harap ng Diyos. Sa gayon, sa totoo, ay magiging matapat na tao ka na.

Matapos magawang tiwali ni Satanas, ang buong sangkatauhan ay namumuhay sa isang satanikong disposisyon. Tulad ni Satanas, nagpapanggap at nagkukunwari ang mga tao sa lahat ng aspekto, at gumagamit sila ng panlilinlang at pandaraya sa lahat ng bagay. Wala silang hindi ginagamitan ng panlilinlang at pandaraya. Gumagamit pa nga ang ilang tao ng panlilinlang sa mga gawaing kasingkaraniwan ng pamimili. Halimbawa, maaaring bumili sila ng isang damit na usong-uso, ngunit—kahit na gustong-gusto nila ito—hindi sila nangangahas na isuot ito sa iglesia, sa takot na pag-uusapan sila ng mga kapatid at tatawagin sila ng mga ito na mababaw. Kaya, isinusuot na lang nila ito kapag hindi nakikita ng iba. Anong uri ng pag-uugali ito? Ito ang pagbubunyag ng isang mapanlinlang at mapandayang disposisyon. Bakit ba bibili ang isang tao ng nauusong kasuotan, subalit hindi naman siya maglalakas-loob na isuot ito sa harap ng kanyang mga kapatid? Sa kanyang puso, mahilig siya sa mga nauusong kagamitan, at sumusunod siya sa mga kalakaran ng mundo gaya ng ginagawa ng mga walang pananampalataya. Natatakot siya na makita ng mga kapatid ang tunay niyang pagkatao, na makita ng mga ito kung gaano siya kababaw, na hindi siya kagalang-galang at marangal na tao. Sa kanyang puso, hinahangad niya ang mga nauusong kagamitan at nahihirapan siyang bitiwan ang mga iyon, kaya maisusuot lang niya ang mga iyon sa bahay at natatakot siyang makita iyon ng mga kapatid. Kung hindi maaaring ipaalam sa iba ang mga bagay na gusto niya, bakit hindi niya iyon mabitiwan? Hindi ba’t mayroong satanikong disposisyong kumokontrol sa kanya? Palagi siyang nagbabanggit ng mga salita at doktrina, at tila nauunawaan niya ang katotohanan, subalit hindi niya maisagawa ang katotohanan. Isa itong taong namumuhay sa isang satanikong disposisyon. Kung ang isang tao ay palaging nandaraya sa salita at sa gawa, kung hindi niya pinahihintulutang makita ng iba ang tunay niyang pagkatao, at kung palagi siyang nagpapanggap na isang banal na tao sa harap ng iba, ano ang kaibahan niya sa isang Pariseo? Gusto niyang mamuhay na parang isang kalapating mababa ang lipad, ngunit mapatayuan din ng isang bantayog para sa kanyang kalinisan. Alam na alam niyang hindi niya maisusuot sa labas ang kakaiba niyang kasuotan, kaya bakit niya binili iyon? Hindi ba’t pagsasayang ito ng pera? Mahilig lang talaga siya sa ganoong uri ng bagay at gustong-gusto niya talaga ang kasuotang iyon, kaya pakiramdam niya ay kailangan niya itong bilhin. Ngunit sa sandaling mabili na niya ito, hindi niya ito maisuot sa labas. Pagkalipas ng ilang taon, pinagsisisihan niyang binili niya ito, at bigla niyang napagtatanto: “Bakit naging napakahangal, napakakasuklam-suklam ko na nagawa ko iyon?” Maging siya ay nasusuklam sa kanyang nagawa. Ngunit hindi niya kayang kontrolin ang kanyang mga kilos, dahil hindi niya mabitiwan ang mga bagay na ninanais at hinahangad niya. Kaya gumagamit siya ng mapagkunwaring mga taktika at panlalansi upang mapalugod ang kanyang sarili. Kung nagbubunyag siya ng isang mapanlinlang na disposisyon sa gayon kaliit na bagay, maisasagawa ba niya ang katotohanan pagdating sa mas malaking bagay? Magiging imposible iyon. Malinaw na, likas sa kanya ang pagiging mapanlinlang, at panlilinlang ang kanyang kahinaan. Mayroong isang anim o pitong taong gulang na bata, na minsang kumain ng masarap na pagkain kasama ang kanyang pamilya. Nang tanungin ng ibang bata kung ano iyon, kumurap ang bata at sinabing, “Nakalimutan ko na,” gayong sa katunayan ay ayaw lang niyang sabihin sa mga ito. Nakalimutan kaya talaga niya ang kinain niya? Ang batang ito na anim o pitong taong gulang ay may kakayahan nang magsinungaling. Itinuro ba iyon ng matatanda sa kanya? Epekto ba iyon ng kapaligiran sa kanyang tahanan? Hindi—kalikasan ito ng tao, minana niya ito; ipinanganak ang tao na may mapanlinlang na disposisyon. Sa katunayan, anumang masarap na pagkain ang kinain ng bata, normal itong gawin. Iniluto iyon para sa kanya ng kanyang mga magulang; hindi siya nagnakaw ng pagkain ng iba. Kung kayang magsinungaling ng batang ito sa gayong sitwasyon, sa sitwasyong hindi naman talaga kinakailangang magsinungaling, hindi ba’t mas malamang pa na magsisinungaling siya sa ibang mga usapin? Ano ang suliraning inilalarawan nito? Hindi ba’t isa itong problema sa kanyang kalikasan? Nasa hustong gulang na ang batang iyon ngayon, at naging likas na sa kanya ang pagsisinungaling. Isa na talaga siyang mapanlinlang na tao; makikita na iyon sa kanya kahit noong batang-bata pa siya. Hindi mapigilan ng mga mapanlinlang na tao na magsinungaling at manlansi ng iba, at lilitaw ang kanilang mga kasinungalingan at panlalansi sa anumang oras at lugar. Hindi nila kailangang matutuhan kung paano gawin ang mga bagay na ito, o maudyukan na gawin ang mga iyon—ipinanganak silang may kakayahang gawin iyon. Kung kaya ng batang iyon na mag-imbento ng mga kasinungalingan upang manlansi ng mga tao sa gayon kamurang edad, maaari kaya talagang minsanang paglabag lamang ang kanyang pagsisinungaling? Tiyak na hindi. Ipinakikita nito na, sa kanyang kalikasang diwa, siya ay isang mapanlinlang na tao. Hindi ba’t madaling makilatis ang gayong kasimpleng bagay? Kung ang isang tao ay nagsisinungaling na mula pa pagkabata, madalas na nagsisinungaling, nagsisinungaling at nanlalansi pa nga ng mga tao tungkol sa mga simpleng bagay kahit hindi naman niya kinakailangang magsinungaling pa, at kung naging likas na sa kanya ang pagsisinungaling, hindi magiging madali para sa kanyang magbago. Isa siyang tunay na mapanlinlang na tao. Bakit sinasabing hindi maliligtas ang mga mapanlinlang na tao? Dahil malayong tanggapin nila ang katotohanan, kaya imposible silang madalisay at mabago. Ang mga taong makatatanggap ng pagliligtas ng Diyos ay naiiba. Medyo taos-puso na sila sa simula pa lang at kung magsisinungaling sila nang kaunti ay malamang na mamumula sila at mababalisa. Mas madali para sa isang taong tulad niyon na maging matapat na tao: Kung sasabihan mo silang magsinungaling o mandaya, mahihirapan sila. Kapag nagsisinungaling naman sila ay hindi nila mabigkas ang lahat ng salita, at mahahalata agad sila ng lahat. Medyo simple ang mga taong ito, at mas malamang na magtamo sila ng kaligtasan kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan. Ang ganitong uri ng tao ay nagsisinungaling lang sa mga natatanging sitwasyon, kapag sila ay nasusukol. Sa pangkalahatan, palagi nilang nagagawang magsabi ng totoo. Basta’t hinahangad nila ang katotohanan, maiwawaksi nila ang aspektong ito ng katiwalian sa pamamagitan ng pagsisikap sa loob ng ilang taon, at pagkatapos ay hindi na sila mahihirapang maging matapat na tao.

Ano ang pamantayan ng Diyos na Kanyang hinihingi sa matatapat na tao? Paano ibinigay ang mga hinihingi ng Diyos sa Tatlong Paalaala, sa kabanatang ito ng mga salita ng Diyos? (“Ang katapatan ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, pagiging totoo sa Diyos sa lahat ng bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga katunayan, hindi pagtatangkang manlinlang ng mga nasa itaas at nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay para lamang sumipsip sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging tapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao. … Kung puno ng mga palusot at mga walang halagang pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong ayaw isagawa ang katotohanan. Kung marami kang sekretong atubili kang ibahagi, kung ayaw na ayaw mong ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaahon mula sa kadiliman” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos).) May isang napakahalagang pangungusap dito. Nakikita ba ninyo kung ano ito? (Sabi ng Diyos: “Kung marami kang sekretong atubili kang ibahagi, kung ayaw na ayaw mong ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaahon mula sa kadiliman.”) Tama, iyon nga. Sabi ng Diyos, “Kung marami kang sekretong atubili kang ibahagi.” Marami nang nagawang bagay ang mga tao na hindi sila naglalakas-loob na sabihin, at masyado silang maraming masamang aspekto. Wala sa mga pang-araw-araw nilang kilos ang alinsunod sa salita ng Diyos, at hindi sila naghihimagsik laban sa laman. Ginagawa nila ang anumang naisin nila, at kahit pagkatapos sumampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, hindi sila nakapasok sa katotohanang realidad. “Kung ayaw na ayaw mong ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaahon mula sa kadiliman.” Dito, itinuro na ng Diyos ang mga tao patungo sa isang landas ng pagsasagawa. Kung hindi ka nagsasagawa sa ganitong paraan, at humihiyaw ka lang ng mga sawikain at doktrina, hindi ka madaling tatanggap ng kaligtasan. Nakaugnay nga ito sa kaligtasan. Para sa bawat isang tao, napakahalaga ng maligtas. Binanggit ba ng Diyos ang “hindi madaling pagtatamo ng kaligtasan” sa iba pang bahagi? Sa ibang bahagi, bihira Niyang tukuyin kung gaano kahirap ang maligtas, ngunit sinasabi Niya ito kapag nagsasalita tungkol sa pagiging matapat. Kung hindi ka matapat na tao, kung gayon isa kang taong napakahirap iligtas. Ang “Hindi madaling pagtatamo ng kaligtasan” ay nangangahulugang kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, mahihirapan kang maligtas. Hindi ka magkakaroon ng kakayahang tahakin ang tamang landas tungo sa kaligtasan, kung kaya’t magiging imposible para sa iyo na maligtas. Ginagamit ng Diyos ang mga katagang ito upang mabigyan ang mga tao ng kaunting palugit. Ibig sabihin, hindi ka madaling iligtas, ngunit kung isasagawa mo ang mga salita ng Diyos, may pag-asa kang magtamo ng kaligtasan. Iyon ang katumbas na kahulugan niyon. Kung hindi ka nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos, at kailanman ay hindi mo sinusuri ang iyong mga lihim at iyong mga hamon, at hindi ka kailanman nagiging bukas sa pagbabahaginan sa iba, hindi ibinabahagi ni hinihimay ni inilalantad ang iyong katiwalian at matinding kapintasan sa kanila, ikaw ay hindi maliligtas. At bakit ganyan? Kung hindi mo inilalantad ang sarili mo o sinusuri ang iyong sarili sa ganitong paraan, hindi mo kapopootan ang sarili mong tiwaling disposisyon, kung kaya’t hindi kailanman magbabago ang iyong tiwaling disposisyon. At kung hindi mo kayang magbago, paano mo pa nagagawang isipin ang maligtas? Malinaw itong ipinakikita ng mga salita ng Diyos, at ipinakikita ng mga salitang ito ang layunin ng Diyos. Bakit ba laging binibigyang-diin ng Diyos na dapat maging matapat ang mga tao? Dahil napakahalaga ng pagiging matapat—may direktang kaugnayan ito sa kung makapagpapasakop ang isang tao sa Diyos o hindi at kung makapagtatamo siya ng kaligtasan o hindi. Sinasabi ng ilang tao: “Mapagmataas ako at mapagmagaling, at madalas akong magalit at magbunyag ng katiwalian.” Sinasabi ng iba: “Labis akong mababaw, at hambog, at gustong-gusto ko kapag binobola ako ng mga tao.” Ang lahat ng ito ay nakikita ng mga tao mula sa panlabas, at hindi malalaking problema ang mga ito. Hindi mo dapat patuloy na banggitin ang mga iyon. Anuman ang iyong disposisyon o karakter, basta’t nagagawa mong maging matapat na tao gaya ng hinihingi ng Diyos, maaari kang maligtas. Kaya, ano sa palagay ninyo? Mahalaga bang maging matapat? Ito ang pinakamahalagang bagay, iyon ang dahilan kung bakit tinatalakay ng Diyos ang tungkol sa pagiging matapat sa kabanata ng Kanyang mga salitang, Tatlong Paalaala. Sa ibang mga kabanata, madalas Niyang banggitin na dapat magkaroon ang mga mananampalataya ng normal na espirituwal na buhay at ng wastong buhay-iglesia, at inilalarawan Niya kung paano nila dapat isabuhay ang isang normal na pagkatao. Ang Kanyang mga salita tungkol sa mga usaping ito ay pangkalahatan; hindi masyadong partikular o detalyadong tinatalakay ang mga iyon. Gayunpaman, kapag nangungusap ang Diyos tungkol sa pagiging matapat, itinuturo Niya ang landas na dapat sundin ng mga tao. Sinasabi Niya sa mga tao kung paano dapat magsagawa, at nagsasalita Siya nang detalyado at malinaw. Sabi ng Diyos, “Kung marami kang sekretong atubili kang ibahagi, kung ayaw na ayaw mong ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan.” Ang pagiging matapat ay may kaugnayan sa pagtatamo ng kaligtasan. Kaya, ano sa palagay ninyo, bakit hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao? Binabanggit nito ang tungkol sa katotohanan ng pag-asal ng tao. Inililigtas ng Diyos ang matatapat na tao, at ang mga gusto Niya para sa Kanyang kaharian ay matatapat na tao. Kung may kakayahan kang magsinungaling at mandaya, isa kang mapanlinlang, buktot, at mapaminsalang tao; hindi ka matapat na tao. Kung hindi ka matapat na tao, imposibleng iligtas ka ng Diyos, imposible ka ring maligtas. Sinasabi mong napakabanal mo na ngayon, na hindi ka mapagmataas o mapagmagaling, na nagagawa mong magbayad ng halaga kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, o na kaya mong magpalaganap ng ebanghelyo at makapagpabalik-loob ng maraming tao. Ngunit hindi ka matapat, mapanlinlang ka pa rin, at hindi ka talaga nagbago, kaya maliligtas ka ba? Talagang hindi. Kung kaya’t ipinaaalala ng mga salitang ito ng Diyos sa lahat na, upang maligtas, kailangan muna nilang maging matapat alinsunod sa mga salita at hinihingi ng Diyos. Kailangan nilang magtapat, ilantad ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ang kanilang mga hangarin at lihim, at hanapin ang daan ng liwanag. Ano ang ibig sabihin ng “hanapin ang daan ng liwanag”? Ibig sabihin nito ay paghahanap sa katotohanan upang malutas ang iyong tiwaling disposisyon. Kapag inilalantad mo ang iyong katiwalian, ang mga layunin at hangarin na nasa likod ng iyong mga kilos, hinihimay mo rin ang iyong sarili, pagkatapos niyon ay hinahanap mo: “Bakit ko ginawa ang bagay na iyon? Mayroon ba itong batayan sa mga salita ng Diyos? Naaayon ba ito sa katotohanan? Sa paggawa nito, sinasadya ko bang gumawa ng masama? Nililinlang ko ba ang Diyos? Kung nililinlang ko ang Diyos, hindi ko ito dapat gawin; dapat kong tingnan kung ano ang hinihingi ng Diyos, at kung ano ang sinasabi ng Diyos, at alamin kung anu-ano ang mga katotohanang prinsipyo.” Ito ang kahulugan ng paghahanap sa katotohanan; ito ang kahulugan ng paglalakad sa liwanag. Kapag nagagawa ng mga taong isagawa ito nang regular, tunay silang nakapagbabago, at sa gayon ay nakapagtatamo sila ng kaligtasan.

Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat ang nagpapatunay na tunay Niyang kinamumuhian at hindi gusto ang mga taong mapanlinlang. Ang pag-ayaw ng Diyos sa mga taong mapanlinlang ay pag-ayaw sa kanilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, kanilang mga disposisyon, kanilang mga layon, at kanilang mga pamamaraan ng panlilinlang; ayaw ng Diyos ang lahat ng bagay na ito. Kung ang mga taong mapanlinlang ay nagagawang tanggapin ang katotohanan, aminin ang kanilang mga mapanlinlang na disposisyon, at handa silang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, sila man ay may pag-asang maligtas—sapagkat pantay-pantay ang pagtrato ng Diyos sa lahat ng tao, at gayundin ang katotohanan. Kaya nga, kung nais nating maging mga taong nagbibigay-lugod sa Diyos, ang unang bagay na kailangan nating gawin ay baguhin ang ating mga prinsipyo ng pag-asal. Hindi na tayo maaaring mamuhay pa ayon sa mga satanikong pilosopiya, hindi na tayo magraraos sa pamamagitan ng mga pagsisinungaling at pandaraya. Kailangan nating iwaksi ang lahat ng ating kasinungalingan at maging matapat na tao. Sa gayon ay magbabago ang pagtingin sa atin ng Diyos. Dati-rati, laging umaasa ang mga tao sa mga pagsisinungaling, pagkukunwari, at panloloko habang namumuhay kasama ang iba, at gumagamit ng mga satanikong pilosopiya bilang batayan ng kanilang pag-iral, ng kanilang buhay, at saligan para sa kanilang pag-asal. Isang bagay ito na kinasusuklaman ng Diyos. Sa mga walang pananampalataya, kung prangka kang magsalita, sinasabi mo ang katotohanan, at isa kang matapat na tao, sisiraan ka, huhusgahan, at tatalikdan. Kaya sumusunod ka sa mga makamundong kalakaran at namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya; lalo ka pang humuhusay sa pagsisinungaling, at mas lalong nagiging mapanlinlang. Natututo ka ring gumamit ng mga tusong kaparaanan para makamtan ang iyong mga mithiin at protektahan ang iyong sarili. Mas lalo kang nagiging maunlad sa mundo ni Satanas, at dahil dito, palalim nang palalim ang pagkahulog mo sa kasalanan hanggang sa hindi mo na mapalaya ang iyong sarili. Sa sambahayan ng Diyos, eksaktong kabaligtaran niyon ang mga bagay-bagay. Kapag mas nagsisinungaling at nanlilinlang ka, mas mayayamot sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos at tatalikdan ka. Kung ayaw mong magsisi at nakakapit ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya at lohika, at kung nakikipagsabwatan ka at gumagamit ng mga detalyadong pakana para magbalatkayo at magpanggap, malamang na mabubunyag at matitiwalag ka. Ito ay dahil kinapopootan ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Tanging matatapat na tao ang maaaring umunlad sa sambahayan ng Diyos, at ang mga taong mapanlinlang ay tatalikdan at ititiwalag sa huli. Lahat ng ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Matatapat na tao lang ang maaaring magkaroon ng bahagi sa kaharian ng langit. Kung hindi ka magsisikap na maging matapat na tao, at kung hindi ka dumaranas at nagsasagawa sa direksyon ng paghahanap sa katotohanan, kung hindi mo ilalantad ang sarili mong kapangitan, at kung hindi mo ilalantad ang iyong sarili, hinding-hindi mo matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu at matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Anuman ang ginagawa mo o anumang tungkulin ang ginagampanan mo, dapat mayroon kang matapat na saloobin. Kung wala kang matapat na saloobin, hindi mo magagampanan nang mabuti ang tungkulin mo. Kung palagi mong ginagampanan ang iyong tungkulin nang pabasta-basta, at nabibigo kang gawin nang mahusay ang isang bagay, dapat mong pagnilayan ang iyong sarili, kilalanin ang iyong sarili, at magtapat upang mahimay ang iyong sarili. Pagkatapos ay dapat mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo at sikaping mas paghusayan sa susunod, sa halip na maging pabasta-basta. Kung hindi mo sisikaping mapalugod ang Diyos nang may pusong matapat, at lagi mong inaasam na mapalugod ang sarili mong laman, o ang sarili mong pride, makagagawa ka ba nang mahusay? Magagampanan mo ba nang maayos ang iyong tungkulin? Siguradong hindi. Ang mga mapanlinlang ay palaging walang gana kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin; ano mang tungkuling kinabibilangan nila, hindi nila ito ginagawa nang mabuti, at mahirap para sa gayong mga tao na magtamo ng kaligtasan. Sabihin ninyo sa Akin—kapag isinasagawa ng mga mapanlinlang na tao ang katotohanan, gumagawa ba sila ng panlilinlang? Kailangan sa pagsasagawa ng katotohanan na sila ay magbayad ng halaga, na isuko nila ang sarili nilang mga interes, na magtapat sila at ilantad nila ang kanilang mga sarili sa iba. Ngunit may itinatago sila; kapag nagsasalita sila, kalahati lang ang ibinibigay nila, at itinatago ang natitira. Laging kailangang hulaan ng iba kung ano ang ibig nilang sabihin, at laging kailangang pagtagni-tagniin ang mga bagay-bagay para hulaan kung ano ang ibig nilang sabihin. Palagi nilang binibigyan ang kanilang mga sarili ng pagkakataong magmaniobra, binibigyan nila ang kanilang mga sarili ng kaunting palugit. Kapag napapansin ng iba na mapanlinlang sila, ayaw na ng mga itong magkaroon ng kaugnayan sa kanila, at nag-iingat na ang mga ito sa kanila sa lahat ng ginagawa nila. Nagsisinungaling at nandaraya sila at hindi sila mapagkatiwalaan ng iba, hindi malaman kung ano ang totoo at ano ang hindi totoo sa mga bagay na sinasabi nila, o kung gaano kakontaminado ang mga bagay na iyon. Madalas silang hindi tumutupad sa kanilang pangako sa iba at wala silang halaga sa puso ng mga tao. Kung gayon ay paano naman sa puso ng Diyos? Ano ang tingin sa kanila ng Diyos? Lalo pa silang kinasusuklaman ng Diyos, dahil sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng mga puso ng mga tao. Nakikita lang ng mga tao ang nasa panlabas, ngunit mas tumpak, mas malinaw, at mas makatotohanang nakakikita ang Diyos.

Kahit pa gaano katagal ka nang mananampalataya, kahit ano pa ang tungkulin mo o kahit ano ang gawaing ginagawa mo, mahusay man o mahina ang kakayahan mo o mabuti man o masama ang pagkatao mo, basta’t kaya mong tanggapin ang katotohanan at maghangad na maging matapat na tao, tiyak na aanihin mo ang mga gantimpala. Iniisip ng ilang taong hindi naghahangad na maging matapat na tao na sapat na ang mabuting paggawa sa kanilang tungkulin. Sa kanila, sinasabi Ko, “Kailanman ay hindi mo magagawa nang mabuti ang iyong tungkulin.” Iniisip ng iba na maliit na bagay lang ang pagiging matapat na tao, na ang paghahangad na maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos ang mas malaking gawain, at na ito ang tanging paraan upang mabigyang-lugod ang Diyos. Kung gayon ay sige, subukan mo—tingnan mo kung kaya mong maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos nang hindi nagiging matapat na tao. Hindi hinahangad ng iba na maging matapat na tao, bagkus ay kontento na silang magdasal araw-araw, pumunta sa mga pagtitipon nang nasa oras, kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at huwag mamuhay nang tulad sa mga walang pananampalataya. Basta’t hindi sila lumalabag sa batas o gumagawa ng anumang masama, sapat na iyon. Ngunit mabibigyang-lugod ba ang Diyos sa ganitong paraan? Paano mo mabibigyang-lugod ang Diyos kung hindi ka matapat na tao? Kung hindi ka matapat na tao, hindi ikaw ang tamang uri ng tao. Kung hindi ka matapat, ikaw ay baliko at mapanlinlang. Ginagawa mo ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta, nagbubunyag ka ng lahat ng uri ng katiwalian, at hindi mo naisasagawa ang katotohanan kahit pa naisin mo. Ang anumang bagay na labas sa pagiging matapat na tao ay nangangahulugan na walang nagagawa nang maayos—magiging imposible para sa iyo na magtamo ng pagpapasakop sa Diyos o magbigay-lugod sa Kanya. Paano mo mabibigyang-lugod ang Diyos sa anumang ginagawa mo nang walang saloobin ng katapatan? Paano mo mabibigyang-lugod ang Diyos kung ginagawa mo ang iyong tungkulin nang walang matapat na saloobin? Magagawa mo ba ito nang tama? Palagi mong iniisip ang sarili mong laman at sarili mong mga inaasahan, palagi mong ninanais na mabawasan ang pagdurusa ng iyong laman, na mabawasan ang paggugol mo sa iyong sarili, na magsakripisyo nang mas kaunti, na magbayad ng mas kaunting halaga. Palagi mong nililimitahan ang sarili mo. Isa itong mapanlinlang na saloobin. May ilang tao na mapagkalkula kahit na pagdating sa paggugol sa kanilang mga sarili para sa Diyos. Sinasabi nila: “Kailangan kong mamuhay nang komportable sa hinaharap. Paano kung hindi na kailanman matapos ang gawain ng Diyos? Hindi ko maaaring ibigay ang isandaang porsiyento ng aking sarili sa Kanya; ni hindi ko alam kung kailan darating ang araw ng Diyos. Kailangan kong maging mapagkalkula, upang makagawa ng mga pagsasaayos para sa aking buhay-pamilya at sa aking hinaharap bago ko igugol ang aking sarili para sa Diyos.” Marami bang tao ang ganito mag-isip? Ano ang disposisyong ito kapag ang isang tao ay mapagkalkula at gumagawa ng mga alternatibong plano para sa kanyang sarili? Tapat ba sa Diyos ang mga taong ito? Matatapat ba silang tao? Ang pagiging mapagkalkula at paggawa ng mga alternatibong plano ay hindi kaisa sa puso ng Diyos. Isa itong mapanlinlang na disposisyon, at ang mga taong gumagawa nito ay kumikilos nang mapanlinlang. Ang saloobin nila sa pagtrato sa Diyos ay talagang hindi isang matapat na saloobin. Ang ilang tao ay natatakot na, habang nakikisalamuha at nakikipag-ugnayan sa kanila, makikita ng mga kapatid ang mga totoong problema nila at sasabihing mababa ang tayog nila, o mamaliitin sila. Kaya kapag nagsasalita sila, palagi nilang sinisikap na palabasing napakamasigasig nila, na hinahangad nila ang Diyos, at na sabik silang isagawa ang katotohanan. Ngunit sa loob nila, ang totoo ay napakahina at napakanegatibo nila. Nagkukunwari silang malakas upang walang sinuman ang makakita sa tunay nilang kalagayan. Panlilinlang din ito. Sa madaling salita, sa anumang iyong ginagawa, sa buhay man o sa pagganap sa isang tungkulin, kung gagamit ka ng kabulaanan at pagkukunwari o gagamit ka ng mga balatkayo upang ilihis o linlangin ang iba at hikayatin silang pahalagahan at sambahin ka, o huwag kang maliitin, panlilinlang ang lahat ng ito. May ilang babaeng mahal na mahal ang kanilang asawa, gayong sa katunayan, ang kanilang asawa ay demonyo at hindi mananampalataya. Sa takot na sabihin ng kanyang mga kapatid na masyadong matindi ang kanyang pagmamahal, ang gayong babae ang unang magsasabi: “Demonyo ang asawa ko.” Subalit, sa kanyang puso, sinasabi niya: “Mabuting tao ang asawa ko.” Ang nauna ay sinasabi ng kanyang bibig—ngunit ipinaririnig lang niya iyon sa iba, upang isipin nila na may pagkilatis siya sa kanyang asawa. Ang ibig talaga niyang sabihin ay: “Huwag ninyong ilantad ang bagay na ito. Mauuna ko nang ipahayag ang pananaw na ito para hindi na ninyo kailangan pang banggitin ito. Inilantad ko na ang asawa ko bilang isang demonyo, kaya ibig sabihin niyon ay nabitiwan ko na ang pagmamahal ko at wala na kayong kailangang sabihin tungkol dito.” Hindi ba’t pagiging mapanlinlang iyon? Hindi ba’t isa iyong palabas? Kung ginagawa mo ito, nililinlang mo ang mga tao at inililigaw sila sa pamamagitan ng pagpapanggap. Nanloloko ka, nanlalansi sa bawat pagkakataon, upang ang makita ng iba ay ang huwad mong imahe, hindi ang tunay mong mukha. Masama ito; ito ang pagiging mapanlinlang na tao. Yamang kinilala mo nang demonyo ang iyong asawa, bakit hindi ka pa makipagdiborsiyo sa kanya? Bakit hindi mo tanggihan ang demonyong iyon, ang Satanas na iyon? Sinasabi mong demonyo ang iyong asawa, ngunit ipinagpapatuloy mo ang iyong buhay kasama siya—ipinakikita nito na gusto mo ang mga demonyo. Sinasabi ng bibig mo na demonyo siya, ngunit hindi mo inaamin iyon sa puso mo. Nangangahulugan itong nililinlang mo ang iba, niloloko sila. Ipinakikita rin nito na kasabwat ka ng mga demonyo, na ipinagtatanggol mo ang mga ito. Kung isa kang taong nakapagsasagawa ng katotohanan, makikipagdiborsiyo ka sa iyong asawa sa sandaling makilala mo na isa siyang demonyo. Pagkatapos ay makapagpapatotoo ka, at ipakikita niyon na malinaw mong inihihiwalay ang sarili mo sa diyablo. Ngunit sa kasamaang-palad, bukod sa nabigo kang humiwalay sa diyablo, iginugugol mo pa ang iyong mga araw kasama ang isang demonyo, at inililigaw ang mga kapatid gamit ang mga kasinungalingan at panlalansi. Pinatutunayan nito na kauri ka ng diyablo, na isa ka ring sinungaling na demonyo. Sinasabi nilang sinusundan ng babae ang lalaking pinakakasalan niya, mabuti man ito o masama. Yamang pinakasalan mo ang isang demonyo at kailanman ay hindi ito tinalikuran, pinatutunayan niyon na isa ka ring demonyo. Sa diyablo ka, ngunit sinasabi mong demonyo ang asawa mo para patunayan na sa Diyos ka—hindi ba’t taktika ito ng pagsisinungaling at panlilinlang? Alam na alam mo ang katotohanan, subalit gumagamit ka pa rin ng gayong mga pamamaraan upang linlangin ang iba. Mapaminsala ito; mapanlinlang ito. Ang lahat ng mapaminsala at mapanlinlang ay ganap na mga demonyo.

Ang lahat ng tao ay mayroong tiwaling disposisyon. Kung pagninilayan mo ang iyong sarili, makikita mo nang malinaw ang ilang kalagayan o kaugalian kung saan ikaw ay nagpapakita ng huwad na impresyon o kumikilos nang mapanlinlang; kayong lahat ay may mga pagkakataong nagkukunwari o mapagpaimbabaw kayo. Sinasabi ng ilang tao: “Kung gayon ay bakit hindi ko ito napapansin? Isa akong taong taos-puso. Napakaraming beses ko nang naapi at naloko sa mundong ito, at ni minsan ay hindi pa ako naging mapanlinlang. Sinasabi ko lang kung anuman ang nasa puso ko.” Hindi pa rin niyon pinatutunayan na matapat kang tao. Posible na hindi ka lang matalino, o hindi gaanong edukado, o baka madali kang makayan-kayanan sa mga grupo, o baka isa kang walang kakayahang duwag na walang karunungan sa iyong mga kilos, nagtataglay ng kaunting kasanayan, at nasa mas mababang antas ng lipunan—hindi pa rin ito nangangahulugang matapat kang tao. Ang isang matapat na tao ay isang taong kayang tanggapin ang katotohanan—hindi isang taong kaawa-awang walang hiya, isang taong walang kuwenta, isang hangal, o isang taong taos-puso. Dapat ay makilatis na ninyo ang mga bagay na ito, hindi ba? Madalas Kong marinig na sabihin ng ilang tao: “Hindi ako nagsisinungaling kahit kailan—ako ang palaging pinagsisinungalingan. Palagi akong kinakayan-kayanan ng mga tao sa mundo. Sinabi ng Diyos na itinataas Niya ang mga nangangailangan mula sa dumi, at isa ako sa mga taong iyon. Biyaya ito ng Diyos. Kinaaawaan ng Diyos ang mga taong tulad namin, mga taong taos-puso na hindi tanggap sa lipunan. Ito talaga ang habag ng Diyos!” Mayroon ngang praktikal na aspekto ang pagsasabi ng Diyos na itinataas Niya ang mga nangangailangan mula sa dumi. Bagama’t kinikilala mo iyon, hindi nito pinatutunayan na matapat kang tao. Sa katunayan, sadyang gunggong, mangmang lang ang ilang tao; mga hangal sila na wala talagang mga kasanayan, mahina ang kakayahan, at walang pagkaunawa sa katotohanan. Ang gayong uri ng tao ay talagang walang kaugnayan sa matatapat na taong sinasabi ng Diyos. Totoo ngang itinataas ng Diyos ang mga nangangailangan mula sa dumi, ngunit hindi ang mga mangmang at hangal ang itinataas. Likas na napakababa ng kakayahan mo, at isa kang hangal, isang walang kuwentang tao, at kahit na ipinanganak ka sa isang mahirap na pamilya at kabilang sa mas mababang antas ng lipunan, hindi ka pa rin isa sa mga pakay ng pagliligtas ng Diyos. Dahil lang nagdusa ka nang husto at nagtiis sa diskriminasyon sa lipunan, dahil lang nakayan-kayanan at nadaya ka ng lahat, huwag mong isipin na matapat na tao ka na dahil doon. Kung iniisip mo iyon, maling-mali ka. Kayo ba ay mayroong anumang maling pagkaunawa o baluktot na pagkaarok sa kung ano ang isang matapat na tao? Nagtamo na ba kayo ng kaunting kaliwanagan sa pagbabahaging ito? Ang pagiging matapat na tao ay hindi tulad ng iniisip ng mga tao; hindi ito pagiging isang taong diretsahan magsalita na umiiwas sa panlilito. Maaaring likas na tuwiran ang isang tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na hindi na siya nanlalansi o nanlilinlang. Ang lahat ng tiwaling tao ay mayroong mga tiwaling disposisyon na madaya at mapanlinlang. Kapag nabubuhay ang mga tao sa mundong ito, sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, pinamamahalaan at kinokontrol ng puwersa nito, imposible para sa kanilang maging matapat. Maaari lang silang maging lalo pang mapanlinlang. Sa pamumuhay sa gitna ng isang tiwaling sangkatauhan, ang pagiging matapat na tao ay talagang nangangailangan ng maraming paghihirap. Malamang na tayo ay kutyain, alipustahin, husgahan, ibukod at itaboy pa nga ng mga walang pananampalataya, mga diyablong hari, at mga buhay na demonyo. Kaya, posible bang manatiling buhay bilang isang matapat na tao sa mundong ito? May anumang puwang ba para manatili tayong buhay sa mundong ito? Oo, mayroon. Tiyak na mayroong puwang para manatili tayong buhay. Pauna na tayong itinalaga ng Diyos at hinirang Niya tayo, at talagang nagbubukas Siya ng daan palabas para sa atin. Nananampalataya tayo sa Diyos at ganap natin Siyang sinusunod sa ilalim ng Kanyang patnubay, at lubos tayong nabubuhay sa hininga at buhay na Kanyang ipinagkakaloob. Dahil tinanggap na natin ang katotohanan ng mga salita ng Diyos, may mga bago tayong panuntunan kung paano mabuhay, at mga bagong layunin para sa ating mga buhay. Nabago na ang mga saligan ng ating mga buhay. Gumagamit na tayo ng bagong paraan ng pamumuhay, isang bagong paraan ng pag-asal, lubos na alang-alang sa pagtatamo ng katotohanan at kaligtasan. Gumagamit tayo ng bagong paraan ng pamumuhay: Nabubuhay tayo upang gampanan nang mabuti ang ating mga tungkulin at bigyang-lugod ang Diyos. Talagang wala itong kinalaman sa kung ano ang pisikal nating kinakain, kung ano ang ating isinusuot, o kung saan tayo nakatira; ito ang ating espirituwal na pangangailangan. Pakiramdam ng maraming tao ay masyadong mahirap ang pagiging matapat na tao. Ang isang bahagi nito ay dahil napakahirap ng pagwawaksi ng isang tiwaling disposisyon. Bukod pa roon, kung namumuhay ka kasama ang mga walang pananampalataya—at lalo na kung katrabaho mo sila—maaari kang pagtawanan, siraan, husgahan, itakwil o itaboy pa nga dahil sa pagiging matapat na tao at pagsasabi ng totoo. Lumilikha iyon ng mga pagsubok para sa ating pamumuhay. Maraming tao ang nagsasabi: “Hindi praktikal ang pagiging matapat na tao. Malalagay ako sa disbentaha kung magsasalita ako nang tahasan, at wala akong matatapos kung hindi ako magsisinungaling.” Anong uri ng perspektiba ito? Iyon ang perspektiba at katwiran ng isang mapanlinlang na tao. Nagsasabi sila ng mga huwad, mapanlinlang na bagay para lamang protektahan ang sarili nilang katayuan at mga interes. Ayaw nilang maging matapat na tao at magsabi ng totoo sa takot na mawala sa kanila ang mga bagay na iyon. Ganoon ang buong tiwaling sangkatauhan. Gaano man sila karunong, gaano man kataas o kababa ang kanilang katayuan, opisyal man sila o pangkaraniwang mamamayan, tanyag man sila o pangkaraniwang tao, lahat sila ay palaging nagsisinungaling at nandaraya, at walang sinumang mapagkakatiwalaan. Kung hindi malulutas ang mga tiwaling disposisyong ito, ipagpapatuloy nila ang pagsisinungaling at pandaraya sa lahat ng oras, at mapupuno sila ng mapanlinlang na disposisyon. Magtatamo ba sila ng tunay na pagpapasakop sa Diyos nang ganito? Makukuha ba nila ang pagsang-ayon ng Diyos? Hinding-hindi.

Pakiramdam ba ninyo ay mahirap ang maging matapat na tao? Kahit kailan ba ay nasubukan na ninyo itong isagawa? Sa anong mga aspekto na ba ninyo naisagawa at naranasan ang pagiging matapat na tao? Sa anu-anong mga prinsipyo nakabatay ang inyong mga pagsasagawa? Ano ang antas ng karanasan ninyo dito sa ngayon? Umabot na ba kayo sa puntong talagang matapat na tao na kayo? Kung naisakatuparan na ninyo ito, maganda iyon! Dapat nating makita mula sa mga salita ng Diyos na, upang mailigtas at mabago tayo, hindi lamang Siya gumagawa ng ilang gawain upang bigyan tayo ng paunang karanasan ng kung ano ang maaaring mangyari, o para ipakita kung ano ang maaaring naghihintay sa hinaharap, pagkatapos ay tapos na Siya. Hindi rin Niya binabago ang panlabas na ugali ng mga tao. Sa halip, gusto Niyang baguhin ang bawat tao, simula sa pinakakaibuturan ng kanilang mga puso, mula sa kanilang mga disposisyon at mula sa kanilang mga mismong diwa, at baguhin ang mga iyon mula sa pinakaugat. Yamang ganito ang paggawa ng Diyos, paano naman tayo dapat kumilos sa ating mga sarili? Dapat tayong managot para sa ating mga hinahangad, para sa pagbabago ng ating disposisyon, at para sa mga tungkulin na dapat nating gawin. Dapat tayong maging seryoso sa lahat ng bagay na ating ginagawa, nang hindi pinalalampas ang mga bagay-bagay, at magawa nating iharap ang lahat ng bagay para sa paghihimay. Sa tuwing natatapos mong gawin ang isang bagay, kahit pa sa palagay mo ay nagawa mo iyon nang tama, maaaring hindi naman talaga ito naaayon sa katotohanan. Kailangan din itong mahimay, at kailangang maihambing, makumpirma, at makilatis alinsunod sa mga salita ng Diyos. Sa ganitong paraan, magiging malinaw kung tama man ito o mali. Bukod dito, kailangan ding mahimay ang mga bagay na sa palagay mo ay nagawa mo nang mali. Hinihingi nito sa mga kapatid na gumugol ng mas maraming panahon nang magkakasama sa pagbabahaginan, paghahanap, at pagtutulungan. Habang mas nagbabahaginan kayo, lalong sisigla ang inyong puso, at lalo ninyong mauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo. Ito ang pagpapala ng Diyos. Kung wala sa inyong magbubukas ng inyong puso, at pagtatakpan ninyong lahat ang inyong mga sarili, sa pag-asang mag-iwan ng magandang impresyon sa isipan ng iba at sa kagustuhang tumaas ang tingin nila sa inyo at hindi kayo kutyain, hindi kayo makararanas ng tunay na pag-unlad. Kung palagi kang nagpapanggap at hindi kailanman nagtatapat sa pagbabahaginan, hindi mo matatanggap ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at hindi mo mauunawaan ang katotohanan. Kung ganoon ay ano ang magiging resulta? Habambuhay kang mamumuhay sa kadiliman, at hindi ka maliligtas. Kung gusto mong matamo ang katotohanan at mabago ang iyong disposisyon, kailangan mong magbayad ng halaga upang matamo ang katotohanan at maisagawa ang katotohanan, at kailangan mong buksan ang iyong puso at makipagbahaginan sa iba. Kapaki-pakinabang ito kapwa sa iyong pagpasok sa buhay at sa pagbabago ng iyong disposisyon. Ang pagtatalakay sa iyong karanasan at pagkaunawa sa mga pagtitipon ay kapaki-pakinabang sa iyo at sa iba. Ano ang kalalabasan kung wala sa inyong magsasalita tungkol sa inyong pagkakilala sa sarili, o sa inyong mga karanasan at pagkaunawa; kung wala sa inyong maghihimay sa inyong mga sarili o magtatapat; kung mahusay kayong lahat sa pagsasabi ng mga salita at doktrina, nang wala sa inyong nagbabahagi ng inyong pagkaunawa sa inyong mga sarili, at nang wala sa inyong nagkakaroon ng lakas ng loob na ilantad ang taglay ninyong kaunting pagkakilala sa sarili? Magsasama-sama kayong lahat at mag-uusap-usap at magkukumustahan, magbobolahan at magyayabangan kayo, at magsasabi ng mga bagay na hindi tapat. “Napakabuti mo nitong mga nagdaang araw. Nakagawa ka ng mga pagbabago!” “Nakapagpakita ka ng napakatinding pananampalataya nitong mga nagdaang araw!” “Napakasigasig mo!” “Higit na mas malaki ang iginugol mo kaysa sa akin.” “Mas malaki ang mga kontribusyon mo kaysa sa akin!” Ito ang uri ng sitwasyong lumilitaw. Nagbobolahan at nagyayabangan ang lahat, at walang sinumang handang maglantad ng tunay niyang pagkatao para sa paghihimay, upang makilatis at maunawaan ng lahat. Maaari bang magkaroon ng tunay na buhay-iglesia sa ganitong uri ng kapaligiran? Hindi, hindi ito maaari. Sinasabi ng ilang tao: “Marami-raming taon na akong namumuhay ng buhay-iglesia. Noon pa man ay kontento na ako at nasisiyahan ako rito. Sa mga pagtitipon, gusto ng lahat ng kapatid na magdasal at kumanta ng mga himno upang purihin ang Diyos. Ang lahat ay naluluha sa mga dasal at himno. Kung minsan ay nagiging madamdamin ang mga bagay-bagay at init na init at pawis na pawis kami. Kumakanta at sumasayaw ang mga kapatid; isa itong napakasagana, napakakulay na buhay-iglesia, at labis na kasiya-siya ito. Talagang kumakatawan ito sa gawain ng Banal na Espiritu! Pagkatapos niyon, kumakain at umiinom kami ng mga salita ng Diyos, at nadarama naming tuwirang nangungusap ang mga salita ng Diyos sa aming mga puso. Talagang masigasig ang lahat sa tuwing nagbabahaginan kami.” Ang ilang taon ng ganitong uri ng buhay-iglesia ay talagang kasiya-siya para sa lahat, ngunit ano ang nagiging bunga nito? Halos walang sinuman ang talagang pumapasok sa katotohanang realidad, at halos walang sinuman ang makapaglarawan ng kanilang mga karanasan upang magpatotoo sa Diyos. Marami silang lakas para sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, pagkanta at pagsayaw, ngunit pagdating ng oras ng pagbabahaginan ng katotohanan, nawawalan na ng interes ang ilang tao. Walang sinumang nagsasalita tungkol sa kanyang karanasan sa pagiging matapat na tao; walang sinumang naghihimay sa kanyang sarili, at walang sinumang naglalantad sa sarili niyang tiwaling disposisyon upang malaman at makilatis ng iba, para sa kapakinabangan at kalakasan nila. Walang sinumang nagbabahagi tungkol sa kanyang aktuwal na patotoong batay sa karanasan upang magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos. Ganoon-ganoon lang nasasayang ang ilang taon ng buhay-iglesia, kumakanta at sumasayaw, maligaya ang pakiramdam, puno ng kasiyahan. Kayo ang magsabi sa Akin: Saan nagmumula ang kaligayahan at kasiyahang ito? Sasabihin Kong hindi ito ang gustong makita ng Diyos o ang nagbibigay-lugod sa Kanya, dahil ang gusto Niyang makita ay isang pagbabago sa mga disposisyon sa buhay ng mga tao, at ang pagsasabuhay ng mga tao sa katotohanang realidad. Gustong makita ng Diyos ang realidad na ito. Ayaw Niyang hawakan mo ang mga himnaryo ninyo, kumakanta at sumasayaw sa pagpupuri sa Kanya kapag ikaw ay nasa mga pagtitipon o nagiging masigasig—hindi iyon ang gusto Niyang makita. Sa kabaligtaran, malungkot, nasasaktan, at nababalisa ang Diyos kapag nakikita Niya ito, dahil libu-libong salita na ang Kanyang binigkas, ngunit wala ni isang tao ang tunay na nagsagawa at nagsabuhay sa mga iyon. Ito talaga ang ipinag-aalala ng Diyos. Madalas ay medyo kampante kayo at nasisiyahan na sa inyong sarili sa kaunting kapayapaan at kaligayahan mula sa inyong buhay-iglesia. Nagpupuri kayo sa Diyos at nagkakaroon ng kaunting kasiyahan, kaunting ginhawa o kaunting espirituwal na tagumpay, at pagkatapos ay naniniwala kayong naisagawa na ninyong mabuti ang inyong pananampalataya. Pinanghahawakan ninyo ang mga ilusyong ito, itinuturing ang mga ito bilang inyong kapital, bilang ang pinakamalaking aral mula sa inyong pananampalataya sa Diyos, at tinatanggap ang mga iyon sa halip na ang isang pagbabago sa inyong disposisyon sa buhay at isang pagpasok sa landas ng kaligtasan. Sa gayong paraan, iniisip ninyong hindi na kailangang hangarin ang katotohanan o hangarin ang pagiging matapat na tao. Hindi na kailangang pagnilayan ang inyong sarili o himayin ang inyong mga problema, o isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos. Mapanganib na ito. Kung magpapatuloy ang mga tao nang ganito; kung, kapag nagwakas na ang gawain ng Diyos, ay hindi pa rin sila nagiging matatapat na tao o hindi pa rin nila nagagawa nang maayos ang kanilang tungkulin; kung hindi pa sila nagtamo ng tunay na pagpapasakop sa Diyos at maaari pa ring mailigaw at makontrol ng mga anticristo; kung hindi pa nila natakasan ang impluwensiya ni Satanas; kung hindi pa nila natupad ang mga hinihinging ito na ibinigay sa kanila ng Diyos, kung gayon ay hindi sila mga taong ililigtas ng Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit nag-aalala ang Diyos.

Ang mga tao ay palaging masigasig na masigasig kapag bago pa lang sila sa pananampalataya. Lalo na kapag naririnig nilang nagbabahagi ang Diyos ng katotohanan, iniisip nila: “Ngayon ay nauunawaan ko na ang katotohanan. Natagpuan ko na ang tunay na daan. Napakasaya ko!” Ang bawat araw ay kasingsaya ng pagdiriwang ng Bagong Taon o ng isang kasalan; bawat araw ay nasasabik sila na may mag-host ng isang pagtitipon o pagbabahagi. Ngunit pagkalipas ng ilang taon, nawawala na ang sigasig sa buhay-iglesia ng ilang tao at nawawala na rin ang sigasig nila sa pananampalataya sa Diyos. Bakit ganoon? Ito ay dahil mababaw, teoretikal lang ang pagkaunawa nila sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Hindi pa sila tunay na nakapasok sa mga salita ng Diyos, o personal na naranasan ang realidad ng mga iyon. Gaya nga ng sinasabi ng Diyos, maraming tao ang tumitingin sa saganang pagkain sa piging, ngunit karamihan sa kanila ay pumupunta lamang upang tumingin. Hindi nila kinukuha at kinakain ang masasarap na pagkaing ipinagkaloob ng Diyos, hindi nila ito tinitikman at ginagamit upang palakasin ang kanilang katawan. Ito ang kinasusuklaman ng Diyos, at ang inaalala Niya. Hindi ba’t ganito ang inyong kasalukuyang kalagayan? (Oo.) Madalas Akong nagbabahagi sa inyong lahat upang tulungan kayo. Ang pinaka-ipinag-aalala Ko ay, pagkatapos mapakinggan ang mga sermong ito at matugunan ang mga espirituwal ninyong pangangailangan, wala kayong gagawin upang isagawa ang mga iyon at hindi na ninyo iisipin pa ang mga iyon. Kung magkagayon, mawawalan ng saysay ang lahat ng sinabi Ko. Anumang uri ng kakayahang mayroon ang isang tao, makikita ninyo kung isa siyang taong nagmamahal sa katotohanan o hindi pagkalipas ng dalawa o tatlong taon ng pananampalataya. Kung isa siyang taong nagmamahal sa katotohanan, sa malo’t madali ay hahangarin niya ito; kung hindi siya isang taong nagmamahal sa katotohanan, hindi siya magtatagal, at mabubunyag at matitiwalag siya. Kayo ba talaga ay mga nagmamahal sa katotohanan? Handa ba kayong maging matapat na tao? Makapagbabago ba kayo sa hinaharap? Gaano karami rito ang personal ninyong isasagawa pagkatapos ng pagbabahaging ito? Gaano karami rito ang magbubunga ng mga resulta sa inyo, iyong totoo? Hindi tiyak ang lahat ng iyon; mabubunyag ito sa huli. Wala itong kinalaman sa kung gaano kataimtim ang isang tao o kung gaano karaming pagdurusa ang kaya niyang tiisin kapag bago pa lang siya sa pananampalataya. Ang susi ay kung minamahal niya ang katotohanan o hindi, at kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan o hindi. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan ang mag-iisip-isip dito pagkatapos makarinig ng isang sermon. Sila lamang ang magninilay-nilay kung paano isasagawa ang mga salita ng Diyos, kung paano daranasin ang mga iyon, kung paano gagamitin ang mga iyon sa kanilang pang-araw-araw na buhay, at kung paano isasabuhay ang katotohanang realidad sa mga salita ng Diyos upang maging taong tunay na nagpapasakop sa Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit ang mga taong nagmamahal sa katotohanan ay magtatamo ng katotohanan sa huli. Maaaring tanggapin ng mga hindi nagmamahal sa katotohanan ang tunay na daan; maaari silang magtipon at makinig sa mga sermon araw-araw at matuto ng ilang doktrina, ngunit sa sandaling makatagpo sila ng paghihirap o mga pagsubok, nagiging negatibo at mahina sila, at maaari pa nga nilang itakwil ang kanilang pananampalataya. Bilang mga mananampalataya, kung ikaw ay makapapasok sa katotohanang realidad o hindi ay nakasalalay sa iyong saloobin sa katotohanan at sa kung ano ang layon ng iyong paghahangad: kung ito ba talaga ay upang matamo ang katotohanan bilang iyong buhay o hindi. Sinasangkapan ng ilang tao ang kanilang sarili ng katotohanan upang tumulong sa iba, maglingkod sa Diyos, o pamunuan nang mabuti ang iglesia. Hindi iyon masama, at nangangahulugan itong nagdadala ang mga taong iyon ng kaunting pasanin. Ngunit kung hindi sila tumutuon sa sarili nilang buhay pagpasok o sa pagsasagawa sa katotohanan, at kung hindi nila hinahanap ang katotohanan upang lutasin ang mga problema, makapapasok ba sila sa katotohanang realidad? Magiging imposible iyon. Paano sila makatutulong sa iba kung hindi sila nagtataglay ng katotohanang realidad? Paano sila makapaglilingkod sa Diyos? Magagawa ba nila nang mabuti ang gawain ng iglesia? Pati iyon ay magiging imposible. Hindi mahalaga kung ilang sermon na ang iyong napakinggan o kung ano ang landas na iyong napili. Ibabahagi Ko sa inyo ang tamang perspektiba: Anumang tungkulin ang iyong ginagawa, isa ka mang lider o isang pangkaraniwang tagasunod, kailangan ay pangunahin mong pagsikapan ang mga salita ng Diyos. Kailangan mong basahin ang mga iyon at pag-isipan nang taimtim. Kailangan mo munang magkaroon ng pagkaunawa sa lahat ng katotohanang kailangan mong malaman at isagawa; ihambing ang iyong sarili sa mga iyon at isakatuparan ang mga iyon para sa iyong sarili. Hindi ka pa nakapagtatamo ng katotohanan hangga’t hindi mo pa ito nauunawaan at hindi ka pa nakapapasok sa realidad. Kung palagi mong ipinaliliwanag sa iba ang doktrinang iyong nauunawaan, ngunit hindi mo nagagawang isagawa o danasin ang mga iyon, isa itong pagkakamali—kahangalan at kamangmangan ito. Dapat mong isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, nang unti-unting nauunawaan ang maraming katotohanan. Pagkatapos ay magsisimula kang makakuha ng lalo pang magagandang resulta sa iyong tungkulin, at magkakaroon ka ng maraming patotoong batay sa karanasan upang iyong maibahagi. Sa ganitong paraan, ang mga salita ng Diyos ay magiging buhay mo. Tiyak na magagawa mo nang mabuti ang iyong tungkulin, at matatapos mo rin ang atas na ibinigay sa iyo ng Diyos. Kung palagi mong ninanais na ihambing ang iba sa mga salitang ito, gamitin ang mga iyon sa iba, o gamitin ang mga iyon bilang kapital sa iyong gawain, mapapahamak ka. Sa paggawa nito, tinatahak mo ang landas na ganap na kaparehong-kapareho ng kay Pablo. Yamang ito ang iyong perspektiba, talagang itinuturing mong doktrina, teorya, ang mga salitang ito, at gusto mong gamitin ang mga teoryang ito upang magbigay ng mga talumpati at makatapos ng mga gawain. Napakamapanganib nito—ito ang ginagawa ng mga huwad na lider at anticristo. Kung tinitingnan mo ang sarili mong kalagayan alinsunod sa mga salita ng Diyos, pinagninilayan at nagtatamo muna ng pagkaunawa sa iyong sarili, at pagkatapos ay isinasagawa ang katotohanan, aanihin mo ang mga gantimpala at papasok ka sa katotohanang realidad. Saka ka lamang magiging kuwalipikado at magkakaroon ng tayog upang magawa nang mabuti ang tungkulin mo. Kung wala kang praktikal na karanasan sa gawain ng Diyos at sa Kanyang mga salita; kung wala ka talagang buhay pagpasok at kaya mo lang bumigkas ng mga salita at doktrina, kahit pa gawin mo ang gawain, gagawin mo iyon nang walang malinaw na direksyon, nang walang kongkretong nakakamit. Sa huli ay magiging isa kang huwad na lider at isang anticristo, at matitiwalag ka. Kung nauunawaan mo ang isang aspekto ng katotohanan, dapat mo munang ihambing ang iyong sarili rito at isakatuparan ito sa iyong buhay, upang maging realidad mo ito. Pagkatapos ay tiyak na mayroon kang matatamo at ikaw ay mababago. Kung pakiramdam mo ay mabuti ang mga salita ng Diyos, na ang mga iyon ang katotohanan at mayroong realidad, ngunit hindi mo pinag-iisipan o sinusubukang maunawaan ang katotohanan sa iyong puso, ni isinasagawa at dinaranas ito sa iyong praktikal na buhay, sa halip ay isinusulat lang ito sa isang kwaderno at tumitigil na roon, kailanman ay hindi mo mauunawaan o matatamo ang katotohanan. Kapag nagbabasa ka ng mga salita ng Diyos o nakaririnig ng mga sermon at pagbabahagi, kailangan mong pagnilayan at ihambing ang iyong sarili sa mga iyon, iniuugnay ang mga iyon sa sarili mong mga kalagayan, at ginagamit ang mga iyon upang lutasin ang sarili mong mga problema. Sa pamamagitan ng pagsasakatuparan sa mga salita sa ganitong paraan ay saka ka lang tunay na may matatamo sa mga iyon. Ito ba ang isinasagawa ninyo pagkatapos makarinig ng isang sermon? Kung hindi, wala ang Diyos sa inyong buhay, wala rin ang Kanyang mga salita, at wala kayong realidad sa inyong pananampalataya sa Kanya. Namumuhay kayo nang labas sa mga salita ng Diyos, tulad ng mga walang pananampalataya. Ang sinumang sumasampalataya sa Diyos, ngunit hindi kayang gamitin ang Kanyang mga salita sa tunay na buhay upang isagawa at danasin ang mga iyon ay hindi talaga sumasampalataya sa Diyos—isa siyang hindi mananampalataya. Ang mga hindi kayang isagawa ang katotohanan ay hindi mga taong nagpapasakop sa Diyos, sila ay mga taong nagrerebelde sa Kanya at lumalaban sa Kanya. Kapag hindi dinadala ang mga salita ng Diyos sa tunay na buhay ng isang tao, imposible niyang maranasan ang gawain ng Diyos. At kung hindi nararanasan ng isang tao ang gawain ng Diyos o ang paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita sa kanyang tunay na buhay, imposible niyang matamo ang katotohanan. Nauunawaan ba ninyo ito? Kung kaya ninyong maarok ang mga salitang ito, pinakamainam iyon—ngunit kahit paano mo pa arukin ang mga ito, kahit gaano mo pa maunawaan, ang pinakamahalagang bagay ay dapat mong dalhin ang mga salita ng Diyos at ang mga katotohanang nauunawaan mo sa iyong tunay na buhay, at isagawa ang mga iyon doon. Ito ang tanging paraan upang lumago ang iyong tayog at upang magbago ang iyong disposisyon.

Kapag ang Diyos ay nagpapahayag ng mga katotohanan o nagpapanukala ng Kanyang mga hinihingi sa mga tao, palagi Siyang magtutukoy ng mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa para sa kanila. Gamitin natin ang pagiging matapat na tao bilang halimbawa, gaya ng pinag-uusapan natin kanina: Binigyan ng Diyos ang mga tao ng isang landas, sinasabi sa kanila kung paano maging matapat na tao at kung paano isagawa ang mga prinsipyo ng pagiging matapat na tao, upang makapunta sila sa tamang landas. Sabi ng Diyos, “Kung ayaw na ayaw mong ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaahon mula sa kadiliman.” Ang ipinahihiwatig dito ay na hinihingi Niya sa atin na tingnan ang sa palagay natin ay lihim o pribado at ilantad ito, upang iharap ito para sa paghihimay. Ito ang hindi ninyo naisip: Hindi ninyo naunawaan o nalaman na sinabi ito ng Diyos upang magsagawa kayo sa ganitong paraan. Minsan ay kumikilos ka nang may layuning manlinlang at mandaya, kung kaya’t dapat na mabago ang iyong mga kilos at hangarin. Marahil ay walang sinumang nakapupuna sa mapanlinlang o madayang kalikasan ng iyong mga salita—ngunit huwag mong purihin ang iyong sarili. Dapat kang humarap sa Diyos at suriin mo ang iyong sarili—maloloko mo ang mga tao, ngunit hindi mo maloloko ang Diyos. Kailangan mong magdasal, ilantad at himayin ang iyong mga layunin at pamamaraan, pagnilayan kung ang mga layunin mong ito ay magiging kalugod-lugod sa Diyos, o kung kasusuklaman Niya ang mga iyon, kung mailalantad mo ang mga iyon, kung mahirap pag-usapan ang mga iyon, at kung naaayon ang mga iyon sa katotohanan. Sa ganitong uri ng paghihimay at pagsusuri ay matutuklasan mong, sa katunayan, ang bagay na ito ay hindi naaayon sa katotohanan; ang ganitong uri ng pag-uugali ay mahirap ilantad, at kinasusuklaman ito ng Diyos. Pagkatapos, babaguhin mo ang pag-uugaling ito. Ano ang nararamdaman ninyo sa pagbabahagi Kong ito? Malamang na nag-aalala ang ilan sa inyo. Iniisip ninyo: “Talagang komplikado ang pananampalataya sa Diyos. Mahirap na ngang makaabot nang ganito kalayo—ngayon ay kailangan ko pang magsimulang muli?” Ang realidad ay pumarito na ngayon ang Diyos, at nagsimula na Siyang akayin ang sangkatauhan na pumasok sa katotohanang realidad. Ito ang simula bilang isang mananampalataya, at bilang isang tao. Upang makapagsimula ka nang maganda, kailangan mong maglatag ng isang matatag na pundasyon sa iyong pananampalataya, inaalam muna ang mga katotohanan ng mga pangitain at ang kabuluhan ng pagsunod sa Diyos, at pagkatapos ay pagtuunan ang pagsasagawa sa katotohanan at paggawa nang mabuti sa iyong tungkulin. Sa ganitong paraan, makapapasok ka sa katotohanang realidad. Kung pagtutuunan mo lang ang pagbigkas ng mga salita at doktrina at paglalatag ng isang pundasyon batay sa mga bagay na iyon, nagiging problema iyon. Para iyong pagtatayo ng pundasyon ng isang bahay sa buhanginan: Kahit gaano pa kataas ang pagkakagawa mo roon, palagi iyong manganganib na gumuho, at hindi ito magtatagal. Gayunpaman, mayroong isang kapuri-puring bagay sa inyong lahat sa puntong ito, iyon ay kaya ninyong unawain ang ibinabahagi Ko sa inyo at handa kayong pakinggan ito. Mabuti ito. Ang paghahangad sa katotohanan at pagpasok sa realidad nito ang pinakamahalaga, at hindi na gaanong mahalaga ang iba pa. Basta’t alam mo ito, hindi magiging mahirap na pumunta sa tamang landas sa iyong pananampalataya. Sa pagtahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, kailangan mo munang kilalanin ang iyong sarili—kailangang maging malinaw sa iyo kung ano ang mga taglay mong tiwaling disposisyon at kung ano ang iyong mga pagkukulang. Pagkatapos ay mauunawaan mo ang kahalagahan ng pagsasangkap sa iyong sarili ng katotohanan, at mabilis mong mahahanap ang katotohanan upang malutas ang mga problema. Hindi naghihintay ang oras para sa sinuman! Sa sandaling matugunan mo na ang iyong mga problema sa buhay pagpasok at taglay mo na ang katotohanang realidad, mas mapapayapa ang iyong kalooban. Gaano man kalaki ang mga sakuna, hindi ka matatakot. Kung sasayangin mo ang huling ilang taong ito nang hindi hinahangad ang katotohanan, at kapag may mga nangyayari ay madalas ka pa ring natutulala, at nananatili kang nasa pasibong kalagayan ng paghihintay, at hindi mo rin kayang gamitin ang katotohanan upang lutasin ang iyong mga problema, bagkus ay namumuhay ka pa rin sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at sa mga tiwaling disposisyon, magiging labis iyong kalunos-lunos! Kung, pagdating ng araw na malalaki na ang mga sakuna, wala kang taglay ni katiting na katotohanang realidad, pagsisisihan mong hindi mo hinangad ang katotohanan o ginawa nang mabuti ang iyong tungkulin, hindi ka talaga nagtamo ng katotohanan. Mamumuhay ka sa palagiang kalagayan ng pagkabalisa. Ngayon, ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi naghihintay sa sinumang tao. Sa unang ilang taon ng kanilang pananampalataya, binibigyan Niya ang mga tao ng kaunting biyaya, kaunting awa; binibigyan Niya sila ng tulong at panustos. Kung ang mga tao ay hindi kailanman nagbabago at hindi kailanman pumapasok sa realidad, bagkus ay kontento na sa mga salita at doktrinang nalalaman nila, nanganganib sila. Napalagpas na nila ang gawain ng Banal na Espiritu, at napalagpas na ang huling pagkakataon sa pagliligtas ng Diyos at paggawang perpekto sa sangkatauhan. Maaari na lang silang masadlak sa mga sakuna, nagnanangis at nagngangalit ang mga ngipin.

Kapag nagsimula ka sa pagtatayo ng pundasyon sa iyong pananampalataya, dapat ay matatag kang pumasok sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Dapat ay nasa simula ka ng pagpasok sa katotohanang realidad, hindi sa simula ng pagbigkas sa mga salita at doktrina. Dapat ay nakatuon ka sa pagpasok sa katotohanang realidad, hinahanap at isinasagawa mo ang katotohanan sa lahat ng bagay, naisasagawa ang katotohanan sa lahat ng bagay at nagagamit ito bilang hambingan sa lahat ng bagay. Dapat mong pagnilayan kung paano isagawa ang katotohanan, kung ano ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at kung anong uri ng pagsasagawa sa katotohanan ang makatutugon sa mga hinihingi ng Diyos at makapagbibigay-lugod sa Diyos. Gayunpaman, lubhang walang tayog ang mga tao. Palagi silang nagtatanong tungkol sa mga bagay na walang kaugnayan sa pagsasagawa ng katotohanan, na walang kaugnayan sa pagkakilala sa sarili o pagiging matapat na tao. Hindi ba’t kaawa-awa iyon? Hindi ba’t nagpapakita iyon ng mababang tayog? Tinanggap ng ilang tao ang hakbang na ito ng gawain ng Diyos sa sandaling sinimulan Niya ito, at naging mga mananampalataya na sila hanggang sa kasalukuyang panahon. Ngunit hindi pa rin nila nauunawaan kung ano ang katotohanang realidad, o kung ano ang pagsasagawa sa katotohanan. Sinasabi ng ilan, “Isinuko ko na ang aking pamilya at propesyon para sa aking pananampalataya at marami-rami na akong pinagdaanan. Paano Mo nasasabing wala akong anumang katotohanang realidad? Iniwanan ko na ang pamilya ko—hindi ba’t realidad iyon? Isinuko ko na ang aking buhay may-asawa—hindi ba’t realidad iyon? Hindi ba’t ang lahat ng iyon ay pagpapahayag ng pagsasagawa sa katotohanan?” Sa panlabas, isinuko mo na ang sekular na mundo, at isinuko na ang iyong pamilya upang sumampalataya sa Diyos. Ngunit nangangahulugan ba iyon na nakapasok ka na sa katotohanang realidad? Nangangahulugan ba iyon na isa kang matapat na tao, isang taong nagpapasakop sa Diyos? Nangangahulugan ba ito na nagbago na ang iyong disposisyon, o na isa kang taong nagtataglay ng katotohanan, o pagkatao? Talagang hindi. Ang mga panlabas na kilos mong ito ay maaaring mukhang maganda sa ibang tao—ngunit hindi nangangahulugan ang mga iyon na nagsasagawa ka ng katotohanan o nagpapasakop sa Diyos, at tiyak na hindi nangangahulugan ang mga iyon na pumapasok ka sa katotohanang realidad. Ang mga sakripisyo at paggugol ng mga tao ay masyadong kontaminado, at ang lahat ng tao ay kinokontrol ng hangaring makatanggap ng mga pagpapala, at hindi sila nadalisay sa pamamagitan ng mga pagsubok at pagpipino. Kaya napakarami pa rin ang pabasta-basta sa kanilang mga tungkulin at hindi nakakukuha ng anumang praktikal na resulta; nanggagambala, nanggugulo, namiminsala at nagdudulot pa nga sila ng lahat ng uri ng problema sa gawain ng iglesia. Hindi nila iniisip na magsisi at patuloy silang nagpapalaganap ng pagiging negatibo, nagsisinungaling, at nagbabaluktot ng mga katunayan upang pangatwiranan ang sarili nilang punto, maging habang pinaaalis sila ng iglesia. May ilang taong sumasampalataya sa loob ng isa o dalawang dekada, ngunit nagwawala pa rin at gumagawa ng lahat ng uri ng kasamaan. Kapag nagkakagayon ay napapaalis o natitiwalag sila ng iglesia. Ang katunayang nakagagawa sila ng napakaraming masamang bagay ay sapat nang katibayan na napakasama ng karakter nila, na masyado silang baliko at mapanlinlang, at talagang hindi sila taos-puso, masunurin, o mapagpasakop. Ito ay dahil kailanman ay hindi nila masyadong inalala ang pagsasagawa sa katotohanan at pagiging matapat na tao. Ang tingin nila sa pananampalataya sa Diyos ay isang usapin ng: “Basta’t isinusuko ko ang aking pamilya, iginugugol ang aking sarili para sa Diyos, nagdurusa, at nagbabayad ng halaga, dapat na alalahanin ng Diyos ang aking mga gawa, at dapat kong matanggap ang Kanyang pagliligtas.” Kapritso at pangangarap lamang ito nang gising. Kung gusto mong matanggap ang kaligtasan at tunay na humarap sa Diyos, kailangan mo munang lumapit sa Diyos sa paghahanap: “O Diyos, ano ang dapat kong isagawa? Ano ang Iyong pamantayan sa pagliligtas ng mga tao? Anong uri ng mga tao ang inililigtas Mo?” Ito ang dapat mong hanapin at malaman higit sa lahat. Ilatag mo ang iyong pundasyon sa katotohanan, pagsikapan mo ang katotohanan at realidad sa lahat ng bagay, at pagkatapos ay magiging isa kang taong nagtataglay ng pundasyon, nagtataglay ng buhay. Kung ilalatag mo ang iyong pundasyon sa mga salita at doktrina, nang hindi kailanman nagsasagawa ng anumang katotohanan o pinagsisikapan ang anumang katotohanan, magiging isa kang taong kailanman ay hindi nagtataglay ng buhay. Kapag isinasagawa natin ang pagiging matapat na tao, taglay natin ang buhay, realidad, at diwa ng isang matapat na tao. Kung gayon ay taglay din natin ang pagsasagawa at ang pag-uugali ng isang matapat na tao, at kahit papaano, ang matapat na aspekto nating iyon ay magbibigay ng kagalakan sa Diyos, at sasang-ayunan Niya ito. Gayunpaman, madalas pa rin tayong nagpapakita ng mga kasinungalingan, panlalansi, at panlilinlang, na kailangang malinis. Kaya kailangan nating ipagpatuloy ang paghahanap at hindi tayo manatili sa isang negatibong sitwasyon. Hinihintay tayo ng Diyos, binibigyan Niya tayo ng pagkakataon. Kung kailanman ay hindi ka nagpaplanong maging matapat na tao, kung kailanman ay hindi mo hinahanap kung paano magsalita nang matapat at nang mula sa puso, kung paano gawin ang mga bagay nang walang kontaminasyon ng pandaraya o panlilinlang, kung paano umasal na gaya ng isang matapat na tao, imposibleng mamuhay ka nang may matapat na wangis ng tao o makapasok ka sa katotohanang realidad ng pagiging matapat na tao. Kung nakapasok ka na sa realidad ng isang partikular na aspekto ng katotohanan, natamo mo na ang aspektong iyon ng katotohanan; kung hindi mo taglay ang realidad na iyon, hindi mo taglay ang buhay o tayog na iyon. Sa harap ng mga pagsubok at tukso, o kapag nakatanggap ka ng isang atas, kung wala ka talagang anumang realidad, madali kang matitisod at magkakamali; malamang na magkakasala at maghihimagsik ka laban sa Diyos. Hindi mo matutulungan ang sarili mo. Maraming tao ang nagwawala sa kanilang mga tungkulin, ayaw tumanggap ng payo at hindi nagbabago, malubhang ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia at malubhang pinipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang mga taong ito ay pinaaalis o pinapatalsik sa huli—ito ang hindi maiiwasang kalalabasan. Ngunit kung ikaw ay kasalukuyang nagsasagawa ng katotohanan upang maging matapat na tao, ang iyong patotoong batay sa karanasan bilang isang matapat na tao ay sinasang-ayunan ng Diyos. Walang makaaagaw niyon sa iyo, at walang makapag-aalis ng realidad na ito, ng buhay na ito sa iyo. Itinatanong ng ilang tao, “Mahabang panahon na akong naging matapat na tao. Makababalik ba ako sa pagiging mapanlinlang na tao?” Kung naiwaksi mo na ang iyong tiwaling disposisyon; kung taglay mo ang katotohanang realidad ng pagiging matapat na tao; kung nagsasabuhay ka ng isang wangis ng tao at kinapopootan ang pandaraya, panlilinlang, at ang mundo ng mga walang pananampalataya sa iyong puso, hindi ka na makababalik sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ito ay dahil nagagawa mong mamuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos; namumuhay ka na sa liwanag. Hindi madali ang magbago mula sa pagiging isang tusong tao tungo sa pagiging isang matapat na tao. Ang magbalik sa pagiging isang tusong tao mula sa pagiging matapat na tao na tunay na ikinalulugod ng Diyos ay magiging imposible, mas mahirap pa nga. Sinasabi ng ilang tao: “Mayroon akong ilang taong karanasan ng pagiging matapat na tao. Kadalasan ay nagsasabi ako ng totoo at medyo matapat ako. Ngunit panaka-naka ay nagsasabi ako ng bagay na hindi totoo, hindi tuwiran, o mapanlinlang.” Isa itong problemang higit na mas madaling ayusin. Basta’t pagtutuunan mo ang paghahanap sa katotohanan at pagsisikap para sa katotohanan, hindi mo na kailangang alalahanin pa ang kawalan ng kakayahang magbago sa hinaharap. Tiyak na patuloy kang bubuti. Gaya lang ng isang punlang itinanim sa lupa, kung didiligan mo ito sa oras at araw-araw ay pasisikatan ng araw, hindi mo kailangang mag-alala kung magbubunga ito kalaunan, at tiyak na magkakaroon ng ani sa taglagas. Ang dapat ninyong pinakaalalahanin ngayon ay ito: Nagkaroon na ba kayo ng pagpasok sa pagiging matapat na tao? Paunti na ba nang paunti ang inyong pagsisinungaling? Masasabi ba ninyong kayo, sa kabuuan, ay matapat na tao na ngayon? Ang mga ito ang mahahalagang katanungan. Kung sasabihin ng isang tao: “Alam kong isa akong mapanlinlang na tao, ngunit kailanman ay hindi ko pa naisasagawa ang pagiging matapat,” kung gayon ay wala kang anumang realidad ng pagiging matapat na tao. Kailangan mong magsumikap, ilabas para sa paghihimay ang bawat maliit na aspekto ng iyong buhay, lahat ng iba’t iba mong pag-uugali, lahat ng paraang nagsasagawa ka ng panlilinlang, at ang pagtrato mo sa iba. Bago mo himayin ang mga bagay na ito, maaaring labis kang natutuwa sa iyong sarili, labis na kontento sa iyong sarili sa iyong nagawa. Ngunit sa sandaling himayin mo ang mga iyon para ihambing sa mga salita ng Diyos, mabibigla ka, “Hindi ko napagtantong napakasama ko, napakamapaminsala at mapanganib!” Matutuklasan mo ang tunay mong pagkatao, at tunay na makikilala ang iyong mga paghihirap, iyong mga kapintasan, at ang iyong pagiging mapanlinlang. Kung hindi ka gagawa ng anumang paghihimay, at habambuhay mong iisiping isa kang matapat na tao, isang taong walang panlilinlang, subalit tinatawag mo pa rin ang sarili mo na isang mapanlinlang na tao, kailanman ay hindi ka magbabago. Kung hindi mo uungkatin ang mga kasuklam-suklam, buktot na hangaring iyon sa iyong puso, paano mo makikita ang iyong kapangitan at katiwalian? Kung hindi mo pagninilayan at hihimayin ang iyong mga tiwaling kalagayan, makikita mo ba ang katotohanan ng kung gaano ka katiwali? Kapag wala kang anumang pagkaunawa sa iyong tiwaling disposisyon, hindi mo malalaman kung paano hahanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema; hindi mo malalaman kung paano hahangarin ang katotohanan at papasok sa realidad alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Iyon ang tunay na kahulugan ng pariralang: “Kailanman ay hindi ka magkakaroon ng realidad kung hindi mo isinasagawa ang katotohanan.”

Ang lahat ng sinasabi ng Diyos ay katotohanan—ang bawat salita ay nagtataglay ng katotohanang realidad, at ito ay pawang realidad ng mga positibong bagay. Kailangan lang ipasok ng mga tao ang mga salita ng Diyos sa kanilang mga pang-araw-araw na buhay upang isagawa at pasukin. Ang bawat salitang mula sa Diyos ay patungkol sa kung ano ang kailangan ng sangkatauhan, at ang bawat salita ay upang paghambingan ng mga tao ng kanilang sarili. Hindi nakalaan ang mga ito upang pasadahan nang mabilis, ni nakalaan upang tuparin ang kung anong espirituwal mong pangangailangan, ni upang iyong sang-ayunan sa salita lamang o upang matugunan ang iyong mga pangangailangang magsalita tungkol sa mga salita at doktrina. Ang bawat salita ng Diyos ay nagtataglay ng realidad ng katotohanan. Kung hindi mo isasagawa ang mga salita ng Diyos, magiging imposible para sa iyong pumasok sa katotohanang realidad—palagi kang magiging isang taong walang kaugnayan sa realidad. Kung isasagawa mo ang pagiging matapat na tao, magkakaroon ka ng realidad ng pagiging matapat at maisasabuhay mo ang tunay na kalagayan ng pagiging matapat na tao, sa halip na maging mapagpanggap lamang. Mauunawaan mo rin kung anong uri ng tao ang matapat at anong uri ng tao ang hindi, at kung bakit kinasusuklaman ng Diyos ang mga mapanlinlang na tao. Tunay mong mauunawaan ang kabuluhan ng pagiging matapat na tao; mararanasan mo kung ano ang nararamdaman ng Diyos kapag hinihingi Niya sa mga tao na maging matapat, at kung bakit hinihingi Niya iyon sa mga tao. Kapag natuklasan mong puno ka ng panlilinlang, kapopootan mo ang pagiging mapanlinlang at balikot mo. Kapopootan mo kung paanong walang kahihiyan kang nabuhay ayon sa iyong mapanlinlang at buktot na disposisyon. Pagkatapos ay masasabik kang magbago. Sa ganitong paraan, lalo mo pang madarama na ang pagiging matapat na tao ang tanging paraan upang magsabuhay ng isang normal na pagkatao at upang mabuhay nang may kabuluhan. Madarama mong labis na makabuluhan ang paghingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat. Madarama mo na magiging kaayon ka lang sa mga layunin ng Diyos sa paggawa nito, na tanging ang matatapat na tao ang magtatamo ng kaligtasan, at na tumpak na tumpak ang sinabi ng Diyos! Sabihin ninyo sa Akin: Makabuluhan ba ang hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat? (Oo, makabuluhan ito.) Kung gayon, simula ngayon, dapat na ninyong suriin ang mga mapanlinlang at buktot na bahagi ng inyong mga sarili. Sa sandaling masuri mo na ang mga iyon, matutuklasan mong sa likod ng lahat ng mapanlinlang na bagay ay mayroong hangarin, isang partikular na layunin, at isang kapangitan ng tao. Matutuklasan mong inihahayag ng panlilinlang na ito ang pagiging hangal, pagiging makasarili, at pagiging kasuklam-suklam ng mga tao. Kapag natuklasan mo iyon, makikita mo ang tunay mong mukha, at kapag nakita mo ang tunay mong mukha, mapopoot ka sa sarili mo. Kapag nagsimula ka nang mapoot sa iyong sarili, kapag alam mo na talaga kung anong uri ka ng tao, ipagpapatuloy mo pa ba ang pagmamalaki sa iyong sarili? Ipagpapatuloy mo pa ba ang pagyayabang sa bawat pagkakataon? Palagi ka pa bang maghahangad ng mga pagbati at papuri mula sa iba? Sasabihin mo pa rin bang masyadong mataas ang mga hinihingi ng Diyos, na hindi kinakailangan ang mga iyon? Hindi ka kikilos nang ganoon, at hindi ka magsasabi ng ganoong mga bagay. Sasang-ayunan mo ang sinasabi ng Diyos, at tutugon ng “Amen.” Makukumbinsi ang iyong puso at isip, at ang iyong mga mata. Kapag nangyari ito, nangangahulugan itong nagsimula ka na sa pagsasagawa sa mga salita ng Diyos, nakapasok ka na sa realidad, at nagsimula ka nang makakita ng mga resulta. Habang lalo mong isinasagawa ang mga salita ng Diyos, lalo mong mararamdaman kung gaano katumpak at kinakailangan ang mga iyon. Sabihin na nating hindi mo isinasagawa ang mga ito. Sa halip, palagi ka lang nagdadaldal, “Hay, hindi ako matapat, mapanlinlang ako,” pero kapag naharap ka na sa isang sitwasyon, kumikilos ka pa rin nang mapanlinlang, habang iniisip mo na hindi naman ito maituturing na panlilinlang, at iniisip mo pa rin na matapat ka, at hinahayaan mo lang na lumipas ang isyu. At sa susunod na may mangyari, muli kang magtatangkang manlansi at gumawa ng mga bagay na baliko at mapanlinlang, nagsisinungaling ka agad sa oras na ibuka mo ang iyong bibig. Pagkatapos, mapapaisip ka: “Naging baliko at mapanlinlang na naman ba ako? Nagsisinungaling na naman ba ako? Sa palagay ko ay hindi naman iyon maituturing na ganoon,” at nagdarasal ka sa harap ng Diyos, “Diyos ko, nakikita Mo kung paanong palagi akong nagpapakana, at palagi akong baliko at mapanlinlang ako. Pakiusap, patawarin Mo ako. Hindi na ako magiging ganoon sa susunod, at kung magiging ganoon ako, pakiusap, disiplinahin Mo ako,” pahapyaw lang na tinatalakay ang mga bagay na ito, iniiwasng pag-usapan ito. Anong klase ng tao ito? Isa itong taong hindi nagmamahal sa katotohanan at hindi handang isagawa ang katotohanan. Maaaring nagbayad ka na ng kaunting halaga o gumugol ng kaunting oras sa pagganap sa iyong tungkulin, paglilingkod sa Diyos, o pakikinig sa mga sermon. Maaaring nakapagsakripisyo ka na rin ng kaunting oras ng trabaho at bahagyang mas maliit ang kinita mo. Subalit sa katunayan, kahit kaunti ay hindi mo naisagawa ang katotohanan, at hindi mo sineryoso ang usapin ng pagsasagawa sa katotohanan. Naging mababaw at pabasta-basta ka, kailanman ay hindi ito pinahalagahan. Kung wala kang sigla kapag nagsasagawa ng katotohanan, pinatutunayan niyong ang saloobin mo sa katotohanan ay hindi isang saloobin ng pagmamahal. Isa kang taong hindi handang isagawa ang katotohanan; malayo at tutol ka sa katotohanan. Isinasagawa mo ang iyong pananampalataya upang magtamo ka ng mga pagpapala, at ang tanging dahilan kung bakit hindi mo pa iniiwan ang Diyos ay natatakot kang maparusahan. Kaya iniraraos mo lang ang iyong pananalig, naghahangad na mangaral ng mga salita at doktrina upang gumanda ang tingin sa iyo ng mga tao, nag-aaral ng ilang espirituwal na bokabularyo at ilang popular na himno, nag-aaral ng ilang salawikain para sa pagbabahagi ng katotohanan at ng mga terminolohiya na may kaugnayan sa iyong pananampalataya. Nagpapalamuti ka na parang isang espirituwal na tao, iniisip na isa kang taong umaayon sa mga layunin ng Diyos at karapat-dapat na magamit Niya. Nagiging kampante ka at hindi mo napipigilan ang iyong sarili. Nalilinlang at naloloko ka ng mababaw na imaheng ito, ng mga mapagpaimbabaw na pag-uugaling ito. Naloloko ka ng mga ito hanggang sa ikaw ay mamatay, at bagamat iniisip mong aakyat ka sa langit, ang totoo, bababa ka sa impiyerno. Ano ang kabuluhan ng ganoong uri ng pananampalataya? Walang anumang totoo sa diumano’y “pananampalataya” mong ito. Sa pinakamabuti, kinilala mong mayroong Diyos, ngunit hindi ka nakapasok sa kahit kaunting katotohanang realidad. Kaya, sa huli, ang kahihinatnan mo ay magiging kapareho ng sa mga walang pananampalataya—mapupunta ka sa impiyerno, nang walang magagandang resulta sa huli. Sabi ng Diyos, “Ang Aking hinihingi ay hindi matitingkad at mayayabong na bulaklak, kundi saganang bunga.” Gaano man karami ang mga buklaklak mo o gaano man kaganda ang mga iyon, ayaw ng Diyos sa mga iyon. Na ang ibig sabihin, gaano ka man kabait magsalita o gaano ka man magmukhang gumugugol, nag-aambag, o nagsasakripisyo, hindi ito ang ikinagagalak ng Diyos. Ang tinitingnan lang ng Diyos ay kung gaano karaming katotohanan ang talagang naunawaan at naisagawa mo, kung gaano karaming katotohanang realidad sa mga salita ng Diyos ang naisabuhay mo, kung nagkaroon ba ng tunay na pagbabago sa iyong buhay disposisyon, kung gaano karaming tunay na patotoong batay sa karanasan ang mayroon ka, kung gaano karaming mabubuting gawa ang naihanda mo, kung gaano karami ang nagawa mo upang matugunan ang mga layunin ng Diyos, at kung nagampanan mo ang iyong tungkulin nang pasok sa pamantayan. Ang mga ito ang mga bagay na tinitingnan ng Diyos. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang Diyos at hindi nila nalalaman ang Kanyang mga layunin, palaging mali ang pakahulugan nila sa mga ito at binibigyan nila ang Diyos ng ilang mababaw na bagay bilang paraan upang makabawi sa Kanya. Sinasabi nila, “Diyos ko, maraming taon na akong mananampalataya. Nakapaglakbay na ako kung saan-saan, nakapangaral ng ebanghelyo at nakapagpabalik-loob ng napakaraming tao. Kaya kong bumigkas ng ilang sipi ng Iyong mga salita at kumanta ng marami-raming himno. Kapag mayroong nangyayaring malaki o mahirap na bagay, palagi akong nag-aayuno at nagdarasal, at palagi kong binabasa ang Iyong mga salita. Paanong hindi ako nakaayon sa Iyong mga layunin?” Tapos ay sinasabi sa kanila ng Diyos: “Matapat na tao ka na ba ngayon? Nagbago na ba ang iyong pagiging mapanlinlang? Kahit kailan ba ay nakapagbayad ka ng anumang halaga upang maging matapat na tao? Kahit kailan ba ay iniharap mo sa Akin ang lahat ng mapanlinlang na bagay na iyong nagawa, ang lahat ng pagpapakita ng iyong panlilinlang, at inilantad ang mga iyon? Nabawasan na ba ang pagsisinungaling mo sa Akin? Nakikilala mo ba kapag nagbibitiw ka ng mga huwad na panata o walang saysay na pangako sa Akin, o kapag nagsasabi ka ng magagandang bagay upang lokohin Ako? Binitiwan mo na ba ang mga bagay na ito?” Kapag pinag-isipan mo iyon at natuklasan mong hindi mo pa talaga binibitiwan ang mga bagay na ito, matitigilan ka. Maaalerto ka sa katunayang imposible kang makabawi sa harap ng Diyos. Ibinubunyag Ko ang tiwaling kalagayan ninyo upang tulutan kayong makilala ang inyong sarili; ganito karami ang sinasabi Ko upang maisagawa ninyo ang katotohanan at makapasok kayo sa realidad nito. Walang mga salita, walang pagbabahagi o mga katotohanan ang dapat na bigkasin ng mga tao sa lahat ng dako; dapat na isagawa ang mga iyon. Bakit ba palaging sinasabi sa inyong tanggapin ninyo ang katotohanan at isagawa ito? Ito ay dahil tanging ang katotohanan ang makalilinis sa inyong katiwalian at makapagpapabago sa inyong pananaw sa buhay, at sa inyong mga prinsipyo, at tanging ang katotohanan ang maaaring maging buhay ng isang tao. Kapag tinanggap mo ang katotohanan, kailangan mo rin itong isagawa upang maging buhay mo ito. Kung naniniwala kang nauunawaan mo ang katotohanan ngunit hindi mo pa ito naisasagawa, at hindi mo pa ito nagiging buhay, imposible kang magbago. Yamang hindi mo pa tinatanggap ang katotohanan, imposibleng malinis ang iyong tiwaling disposisyon. Kung hindi mo kayang isagawa ang katotohanan, hindi ka magbabago. Sa huli, kung hindi nag-ugat ang katotohanan sa iyong puso at hindi mo ito naging buhay, kapag magwawakas na ang iyong buhay bilang isang mananampalataya, pagpapasyahan na ang iyong kapalaran at kahihinatnan. Batay sa pagbabahaging ito, nakararamdam ba kayong lahat ng pagmamadali na isagawa ang katotohanan? Huwag kayong maghintay ng tatlong taon, limang taon, o higit pa, at saka lang magsimulang isagawa ito. Walang masyadong maaga o masyadong huli pagdating sa pagsasagawa sa katotohanan; kung isasagawa mo ito kaagad, magbabago ka kaagad, at kung isasagawa mo ito kalaunan, magbabago ka kalaunan. Kung mapalalagpas mo ang pagkakataon mo sa gawain ng Banal na Espiritu at sa pagpeperpekto ng Diyos sa sangkatauhan, manganganib ka pagdating ng malalaking sakuna. Pagkatapos, kapag nagwakas na ang gawain ng Diyos ng pagliligtas sa sangkatauhan, wala na talagang matitirang mga pagkakataon. Kung, pagkatapos mong mawalan ng pagkakataon ay sasabihin mong: “Hindi ako nagsikap noon, ngunit sisimulan ko na itong isagawa ngayon,” magiging huli na ang lahat, at malabo ka nang magawang perpekto ng Diyos. Iyon ay dahil hindi na gagawa ang Banal na Espiritu, at ang pagkaunawa mo sa lahat ng bagay, sa lahat ng katotohanan, ay magiging masyadong mababaw. Iba’t ibang uri ng sitwasyon ang nangyayari ngayon, at sa pamamagitan ng pagbabahagi sa katotohanan, lumalago ang inyong pananampalataya at mas ganado na kayong sumunod sa Diyos. Kung sa loob ng ilang panahon ay walang anumang sitwasyon, tiyak na magiging negatibo kayo at hindi disiplinado, lalayo kayo nang lalayo sa Diyos. Magiging katulad kayo ng mga nasa mundo ng relihiyon, na inoobserbahan lamang ang mga pamamaraan ng mga pagtitipon at mga seremonyang panrelihiyon, lubos na hindi nagtataglay ng katotohanang realidad. Kung gayon ay ano ang mapapala ninyo sa paghihinagpis at pagtangis?

Sabihin ninyo sa Akin, nakapapagod bang mabuhay kasama ang mga mapanlinlang na tao? (Oo.) Hindi ba’t napapagod din sila? Sa katunayan, pagod na rin sila, ngunit hindi nila nararamdaman ang kanilang kapaguran. Ito ay dahil magkaiba ang mga mapanlinlang at matapat na tao: Mas simple ang matatapat na tao. Hindi masyadong komplikado ang mga iniisip nila, at sinasabi nila kung ano ang iniisip nila. Sa kabilang banda, ang mga mapanlinlang na tao ay palaging kailangang magsalita nang paliguy-ligoy. Wala silang sinasabi nang diretsahan—sa halip, palagi silang nanlilinlang at pinagtatakpan nila ang kanilang mga kasinungalingan. Palagi nilang ginagamit ang kanilang mga utak, palaging nag-iisip, natatakot na kung magpabaya sila nang kahit kaunti, mayroon silang maibubunyag. Hanggang sa anong punto nanlilinlang ang mga tao? Kahit sino pa ang kasalamuha nila, palagi nilang sinusubukang alamin kung sino ang mas mapagpakana, kung sino ang mas matalino, kung sino ang nasa itaas, at sa huli ay nagiging sakit na sa pag-iisip ang pagiging mapagkumpitensya nila. Hindi sila nakatutulog sa gabi, subalit hindi sila nakararamdam ng sakit, at iniisip pa nga nilang normal ito. Hindi ba’t naging mga buhay na demonyo na sila kung gayon? Kapag nagliligtas ang Diyos ng mga tao, tinutulutan Niya silang kumawala mula sa impluwensiya ni Satanas at iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, maging matatapat na tao, at mabuhay ayon sa Kanyang mga salita. Ang mabuhay bilang isang matapat na tao ay nakapagpapalaya at nakagiginhawa, at higit na hindi mahirap. Ito ang pinakamaligayang buhay. Mas simple ang matatapat na tao. Sinasabi nila kung ano ang nasa kanilang mga puso, at sinasabi nila kung ano ang kanilang iniisip. Sa kanilang mga salita at kilos, sinusunod nila ang kanilang konsensiya at katwiran. Handa silang magsikap para sa katotohanan, at kapag naunawaan na nila ito, isinasagawa nila ito. Kapag hindi nila maunawaan ang isang bagay, handa silang hanapin ang katotohanan, at pagkatapos ay ginagawa nila kung ano man ang naaayon dito. Hinahanap nila ang mga pagnanais ng Diyos sa lahat ng dako at sa lahat ng bagay, at pagkatapos ay sinusunod ang mga ito sa kanilang mga kilos. Maaaring mayroong ilang aspekto kung saan sila ay hangal at kailangan nilang sangkapan ang kanilang sarili ng mga katotohanang prinsipyo, at hinihingi nito sa kanilang patuloy na umusad. Ang pagdanas nang ganito ay nangangahulugang kaya nilang maging matatapat, matatalinong tao at lubos na umayon sa mga layunin ng Diyos. Ngunit hindi ganito ang mga mapanlinlang na tao. Nabubuhay sila ayon sa mga satanikong disposisyon, ipinakikita ang kanilang katiwalian, subalit natatakot na makakita ang iba ng magagamit laban sa kanila sa paggawa nila niyon. Kaya, gumagamit sila ng mga buktot at mapanlinlang na pandaraya bilang tugon. Natatakot sila sa panahon kung kailan ang lahat ay mahahayag, kaya gumagamit sila ng lahat ng diskarte upang gumawa ng mga kasinungalingan at pagtakpan ang mga iyon, at kapag nagkaroon ng butas, lalo pa silang nagsisinungaling upang matakpan ito. Ang palaging pagsisinungaling at pagtatakip sa kanilang mga kasalanan—hindi ba’t nakapapagod na paraan iyon ng pamumuhay? Pinipiga nila ang utak nila palagi upang makapag-imbento ng mga kasinungalingan at mapagtakpan ang mga iyon. Napakahirap talaga niyon. Iyon ang dahilan kung bakit labis na nakapapagod at mahirap ang buhay ng mga mapanlinlang na tao na iginugugol ang kanilang mga araw sa pagbuo ng mga kasinungalingan at pagtatakip sa mga iyon! Subalit naiiba naman ang sa matatapat na tao. Bilang matapat na tao, walang masyadong kailangang isaalang-alang ang isang tao kapag nagsasalita at kumikilos. Kalimitan, nakapagsasalita lang nang matapat ang isang matapat na tao. Kapag tumutukoy ang isang partikular na bagay sa kanyang mga interes ay saka lamang siya bahagyang nag-iisip—maaari siyang magsinungaling nang kaunti upang protektahan ang kanyang mga interes, upang mapanatili ang kanyang banidad at dangal. Limitado ang ganitong mga uri ng kasinungalingan, kaya hindi gaanong nakapapagod ang pagsasalita at pagkilos para sa matatapat na tao. Ang mga hangarin ng mga mapanlinlang na tao ay higit na mas komplikado kaysa sa matatapat na tao. Masyadong masalimuot ang kanilang mga isinaaalang-alang: Kailangan nilang isaalang-alang ang kanilang katanyagan, reputasyon, pakinabang, at katayuan; at kailangan nilang protektahan ang kanilang mga interes—kailangang isaalang-alang ang lahat ng ito, nang hindi ipinakikita ang anumang kapintasan o ibinubunyag ang mga lihim sa iba, kaya kailangan nilang pigain ang kanilang utak upang makapagsinungaling. Bukod pa rito, ang mga mapanlinlang na tao ay malalaki, labis-labis ang mga kagustuhan at marami silang kahilingan. Kailangan nilang makabuo ng mga paraan upang makamit ang kanilang mga mithiin, kaya kailangan nilang ipagpatuloy ang pagsisinungaling at pandaraya, at habang mas nagsisinungaling sila, kailangan nilang pagtakpan ang mas maraming kasinungalingan. Iyon ang dahilan kung bakit higit na mas nakapapagod at mahirap ang buhay ng isang mapanlinlang na tao kaysa sa isang matapat na tao. Ang ilang tao ay medyo matapat. Kung kaya nilang hangarin ang katotohanan, pagnilayan ang kanilang sarili sa kabila ng kanilang mga kasinungalingan, kilalanin ang panlalansing nagawa nila, kung anuman ito, tingnan ito batay sa mga salita ng Diyos upang suriin at unawain ito, at pagkatapos ay baguhin ito, maiaalis nila sa kanilang sarili ang maraming pagsisinungaling at pandaraya sa loob lamang ng ilang taon. Pagkatapos, sila ay magiging tao na talagang matatapat. Sa pamumuhay nang ganito, bukod sa nakalalaya sila sa malaking hirap at pagod, nagdadala rin ito ng kapayapaan at kaligayahan sa kanila. Sa maraming bagay, magiging malaya sila sa mga gapos ng kasikatan, pakinabang, katayuan, banidad at pagpapahalaga sa sarili, at natural na mamumuhay nang magaan at malaya. Gayunpaman, ang mga mapanlinlang na tao ay palaging mayroong mga lihim na motibo sa likod ng kanilang mga salita at kilos. Nag-iimbento sila ng lahat ng uri ng kasinungalingan upang ilihis at lansihin ang iba, at sa sandaling malantad sila, nag-iisip sila ng mga paraan upang pagtakpan ang kanilang mga kasinungalingan. Sa dami ng mga bagay na nagpapahirap sa kanila, sila man ay napapagod din sa kanilang buhay. Nakapapagod na ngang magsinungaling nang napakaraming beses sa bawat sitwasyon na kanilang kinahaharap, at ang pangangailang pagtakpan ang mga kasinungalingang iyon pagkatapos ay higit pang nakapapagod. Ang lahat ng sinasabi nila ay naglalayong tumupad sa isang mithiin, kaya gumugugol sila ng maraming lakas ng isip sa bawat salitang kanilang binibitiwan. At pagkatapos nilang magsalita, nangangamba silang nakita mo na ang tunay nilang pagkatao, kaya kailangan din nilang mag-isip nang matindi upang maitago ang kanilang mga kasinungalingan, makulit na ipinaliliwanag ang mga bagay-bagay sa iyo, sinusubukan kang kumbinsihin na hindi ka nila pinagsisinungalingan o nililinlang, na mabuti silang tao. Madalas itong gawin ng mga mapanlinlang na tao. Kapag magkasama ang dalawang mapanlinlang na tao, tiyak na magkakaroon ng intriga, alitan, at pagpapakana. Hindi matatapos ang pagtatalo, na magreresulta sa patindi nang patinding pagkapoot, at sila ay magiging mortal na magkaaway. Kung isa kang matapat na tao na may kasamang mapanlinlang na tao, tiyak na masusuklam ka sa mga pag-uugaling ito. Kung paminsan-minsan lang silang kikilos nang ganoon, sasabihin mo na ang lahat ng tao ay mayroong tiwaling disposisyon at na mahirap maiwasan ang gayong mga bagay. Subalit kung kumikilos sila nang ganoon sa lahat ng oras, lubusan kang mayayamot at masusuklam sa ganitong mga pamamaraan; masusuklam ka sa aspekto nilang iyon at sa mga layuning mayroon sila. Kapag umabot sa ganoon ang nararamdaman mong pagkasuklam, magagawa mo na silang kamuhian at tanggihan. Normal na normal ang bagay na ito. Hindi sila maaaring makasalamuha maliban kung magsisisi sila at magpapakita ng kaunting pagbabago.

Ano sa tingin ninyo—hindi ba’t nakapapagod ang buhay para sa mga mapanlinlang na tao? Iginugugol nila ang buong panahon nila sa pagsisinungaling, pagkatapos ay sa higit pang pagsisinungaling upang pagtakpan ang mga iyon, at sa pandaraya. Sila ang nagdudulot ng kapagurang ito sa kanilang mga sarili. Alam nila na nakakapagod mabuhay nang ganito—kaya bakit gusto pa rin nilang maging mapanlinlang, at ayaw maging matapat? Napag-isipan na ba ninyo ang tanong na ito? Isa itong kahihinatnan ng pagkakalinlang sa mga tao ng kanilang mga satanikong kalikasan; pinipigilan sila nitong talikdan ang ganitong uri ng buhay, ang ganitong uri ng disposisyon. Payag ang mga taong tanggapin ang maloko nang ganito at mamuhay rito; ayaw nilang isagawa ang katotohanan at tahakin ang landas ng liwanag. Sa palagay mo nakakapagod ang mamuhay nang ganito at na hindi kinakailangang kumilos nang ganito—ngunit iniisip ng mga mapanlinlang na tao na kailangang-kailangan ito. Iniisip nilang ang hindi paggawa rito ay magdudulot sa kanila ng kahihiyan, na mapipinsala rin nito ang kanilang imahe, kanilang reputasyon, at kanilang mga interes, at na napakalaki ng mawawala sa kanila. Pinahahalagahan nila ang mga bagay na ito, pinahahalagahan nila ang sarili nilang imahe, sarili nilang reputasyon at katayuan. Ito ang tunay na mukha ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Sa madaling salita, kapag ayaw ng mga taong maging matapat o isagawa ang katotohanan, ito ay dahil hindi nila minamahal ang katotohanan. Sa mga puso nila, pinahahalagahan nila ang mga bagay na tulad ng reputasyon at katayuan, mahilig silang sumunod sa mga makamundong kalakaran, at nabubuhay sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Isa itong problema sa kanilang kalikasan. Mayroong mga tao ngayon na maraming taon nang naniniwala sa Diyos, na nakarinig na ng maraming sermon, at nakaaalam kung patungkol saan ang pananampalataya sa Diyos. Ngunit hindi pa rin nila isinasagawa ang katotohanan, at hindi pa sila nagbabago kahit kaunti—bakit ganito? Ito ay dahil hindi nila minamahal ang katotohanan. Kahit pa nauunawaan nga nila nang kaunti ang katotohanan, hindi pa rin nila ito naisasagawa. Para sa gayong mga tao, kahit pa gaano karaming taon na silang sumasampalataya sa Diyos, mawawalan ito ng kabuluhan. Maliligtas ba ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan? Talagang imposible ito. Ang hindi pagmamahal sa katotohanan ay isang problema sa puso ng isang tao, sa kalikasan ng isang tao. Hindi ito malulutas. Ang usapin ng kung ang isang tao ay maliligtas sa kanyang pananampalataya ay pangunahing nakasalalay sa kung minamahal niya ang katotohanan o hindi. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan ang kayang tumanggap sa katotohanan; tanging sila ang makatitiis ng paghihirap at makapagbabayad ng halaga alang-alang sa katotohanan, at tanging sila ang makapagdarasal sa Diyos at makaaasa sa Kanya. Tanging sila ang makapaghahanap sa katotohanan at makapagninilay at makakikilala sa kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan, magkakaroon ng lakas ng loob na maghimagsik laban sa laman, at makapagtatamo ng pagsasagawa sa katotohanan at pagpapasakop sa Diyos. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan ang makapaghahangad dito nang ganito, makatatahak sa landas ng kaligtasan, at makapagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos. Walang ibang landas maliban dito. Napakahirap nitong tanggapin para sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan. Ito ay dahil, sa kanilang mga kalikasan, tutol sila sa katotohanan at namumuhi rito. Kung nais nilang tumigil sa paglaban sa Diyos o hindi gumawa ng kasamaan, labis silang mahihirapang gawin iyon, dahil sila ay kay Satanas at naging mga diyablo at kaaway na sila ng Diyos. Inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan, hindi Niya inililigtas ang mga diyablo o si Satanas. May ilang taong nagtatanong na: “Talagang nauunawaan ko ang katotohanan. Hindi ko lang ito maisagawa. Ano ang dapat kong gawin?” Isa itong taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan, hindi niya ito maisasagawa kahit pa nauunawaan niya ito, dahil sa kaibuturan, ayaw niyang gawin iyon at hindi niya gusto ang katotohanan. Ang gayong tao ay hindi na maililigtas. Sinasabi ng ilang tao: “Sa tingin ko ay maraming mawawala sa iyo sa pagiging matapat na tao, kaya ayaw kong maging ganoon. Kailanman ay hindi nawawalan ang mga mapanlinlang na tao—nakikinabang pa nga sila sa pananamantala sa iba. Kaya mas gugustuhin kong maging mapanlinlang na tao. Ayaw kong ipaalam sa iba ang mga pribado kong gawain, na hayaan silang maintindihan o maunawaan ako. Ang aking kapalaran ay dapat na nasa sarili kong mga kamay.” Sige, kung ganoon—subukan mo iyon at tingnan mo. Tingnan mo kung anong uri ng resulta ang kahihinatnan mo; tingnan mo kung sino ang mapupunta sa impiyerno at sino ang maparurusahan sa huli.

Handa ba kayong maging matapat? Ano ang balak ninyong gawin matapos marinig ang mga pagbabahaginang ito? Saan kayo magsisimula? (Magsisimula ako sa hindi pagsisinungaling.) Ito ang tamang paraan ng pagsasagawa, ngunit hindi madali ang hindi pagsisinungaling. Kadalasan ay mayroong mga hangarin sa likod ng mga kasinungalingan ng mga tao, ngunit mayroong ilang kasinungalingang walang anumang nakatagong hangarin, hindi rin sadyang ipinlano ang mga iyon. Sa halip, likas lang na lumalabas ang mga iyon. Ang gayong mga kasinungalingan ay madaling lutasin; ang mga kasinungalingang may nakatagong hangarin ang mahirap lutasin. Ito ay dahil nagmumula ang mga hangaring ito sa kalikasan ng isang tao at kumakatawan ang mga ito sa pandaraya ni Satanas, at ang mga ito ay mga hangaring sadyang pinipili ng mga tao. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan, hindi niya magagawang maghimagsik laban sa laman—kaya dapat siyang manalangin sa Diyos at umasa sa Kanya, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang isyu. Pero ang pagsisinungaling ay hindi ganap na nalulutas lahat nang agad-agad. Magkakaroon ng paminsan-minsang pagbalik sa dati, maging ng marami pa ngang pagbalik sa dati. Normal na sitwasyon ito, at basta’t nilulutas mo ang bawat kasinungalingang sinasabi mo, at ipinagpapatuloy ito, darating ang araw na malulutas mo ang lahat ng mga ito. Ang paglutas sa pagsisinungaling ay isang pangmatagalang labanan: Kapag lumabas ang isang kasinungalingan, pagnilayan mo ang iyong sarili, at pagkatapos ay manalangin ka sa Diyos. Kapag may isa pang lumabas, pagnilayan mo ang iyong sarili at manalangin ka muli sa Diyos. Kapag mas nananalangin ka sa Diyos, mas lalo mong kapopootan ang iyong tiwaling disposisyon, at mas lalo kang mananabik na isagawa ang katotohanan at isabuhay ito. Sa gayon, magkakaroon ka ng lakas na talikuran ang mga kasinungalingan. Pagkatapos ng isang panahon ng gayong karanasan at pagsasagawa, makikita mo na nabawasan na ang mga kasinungalingan mo, na namumuhay ka na nang mas mapayapa, at na hindi mo na kailangang magsinungaling o pagtakpan pa ang iyong mga kasinungalingan. Bagamat maaaring hindi ka gaanong magsasalita araw-araw, ang bawat pangungusap ay magmumula sa puso at magiging taos, nang may napakakaunting kasinungalingan. Ano kaya ang pakiramdam ng mamuhay nang ganoon? Hindi ba’t magiging maluwag at magaan ito sa pakiramdam? Hindi ka pipigilan ng iyong tiwaling disposisyon at hindi ka matatali rito, at kahit papaano ay magsisimula ka nang makakita ng mga resulta ng pagiging isang matapat na tao. Siyempre, kapag nahaharap ka sa espesyal na mga pangyayari, maaaring sadya kang magsinungaling nang kaunti. Maaaring magkaroon ng mga pagkakataong mahaharap ka sa panganib o sa kung anong problema, o nanaisin mong mapanatili ang iyong kaligtasan, sa gayong mga pagkakataon ay hindi maiiwasan ang pagsisinungaling. Gayunman, kailangan mo itong pagnilayan, maunawaan at lutasin mo ang problema. Dapat kang manalangin sa Diyos at sabihin na: “Mayroon pa ring mga kasinungalingan at panlalansi sa aking kalooban. Nawa’y iligtas ako ng Diyos mula sa aking tiwaling disposisyon ngayon at magpakailanman.” Kapag sadyang gumagamit ng karunungan ang isang tao, hindi ito maituturing na paghahayag ng katiwalian. Ito ang dapat maranasan para maging isang matapat na tao. Sa ganitong paraan, paunti-unti, mababawasan nang husto ang iyong mga kasinungalingan. Ngayon ay magsasabi ka ng sampung kasinungalingan, bukas ay maaari kang magsabi ng siyam, sa makalawa ay magsasabi ka ng walo. Kalaunan, magsasabi ka na lang ng dalawa o tatlo. Mas lalo kang magsasabi ng katotohanan, at ang pagssagawa mo ng pagiging matapat na tao ay higit na mapalalapit sa mga layunin ng Diyos, sa Kanyang mga hinihingi, at sa Kanyang mga pamantayan—at napakaganda niyon! Para masanay sa pagiging matapat, dapat magkaroon ka ng isang landas, at dapat magkaroon ka ng isang pakay. Una, lutasin mo ang problema ng pagsisinungaling. Kailangan mong malaman ang diwa sa likod ng pagsasabi mo ng mga kasinungalingang ito. Kailangan mo ring suriin kung ano ang mga hangarin at motibong nag-uudyok sa iyo na sabihin ang mga kasinungalingang ito, kung bakit taglay mo ang gayong mga hangarin, at kung ano ang diwa ng mga iyon. Kapag nalinaw mo na ang lahat ng isyung ito, lubusan mo nang maiintindihan ang problema sa pagsisinungaling, at kapag may nangyari sa iyo, magkakaroon ka ng mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kung magpapatuloy ka nang may gayong pagsasagawa at karanasan, tiyak na makakikita ka ng mga resulta. Balang araw ay sasabihin mong: “Madaling maging matapat. Nakakapagod masyado ang pagiging mapanlinlang! Ayaw ko nang maging mapanlinlang na tao, na laging kailangang isipin kung ano ang mga kasinungalingang sasabihin at kung paano pagtatakpan ang aking mga kasinungalingan. Tulad ito ng pagiging isang taong may sakit sa pag-iisip, may mga kontradiksyon ang sinasabi—isang taong hindi karapat-dapat na tawaging ‘tao’! Nakapapagod ang ganoong uri ng buhay, at ayaw ko nang mabuhay nang ganoon!” Sa pagkakataong ito, magkakaroon ka ng pag-asang maging tunay na matapat, at mapatutunayan nito na nagsimula ka nang umusad tungo sa pagiging matapat na tao. Pambihirang tagumpay ito. Siyempre pa, maaaring may ilan sa inyo na, kapag nagsimula kayong magsagawa, ay mapapahiya pagkatapos magsalita ng matatapat na salita at maglantad ng inyong sarili. Mamumula ang inyong mukha, mahihiya kayo, at matatakot kayong mapagtawanan ng iba. Ano ang dapat ninyong gawin, kung gayon? Kailangan pa rin ninyong manalangin sa Diyos at hilingin na bigyan Niya kayo ng lakas. Sabihin mo na: “O Diyos, gusto ko pong maging isang matapat na tao, ngunit natatakot po akong pagtawanan ako ng mga tao kapag sinabi ko ang totoo. Hinihiling ko po na iligtas Mo ako mula sa gapos ng aking satanikong disposisyon; hayaan Mo po akong mamuhay sa Iyong mga salita, at mapalaya.” Kapag nagdasal ka nang ganito, magkakaroon ng higit na liwanag sa puso mo, at sasabihin mo sa sarili mo: “Mabuting isagawa ito. Ngayon, naisagawa ko na ang katotohanan. Sa wakas, naging isang matapat na tao rin ako.” Habang nagdarasal ka nang ganito, bibigyang liwanag ka ng Diyos. Gagaawa ang Diyos sa puso mo, at aantigin ka Niya, tinutulutan kang pahalagahan kung ano ang pakiramdam ng maging isang tunay na tao. Ganito dapat isagawa ang katotohanan. Sa pinakasimula ay wala kang landas, ngunit sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan ay makahahanap ka ng landas. Kapag nagsisimulang hangarin ng mga tao ang katotohanan, hindi masasabing talagang may pananampalataya sila. Mahirap para sa mga tao ang hindi magkaroon ng landas, pero kapag naunawaan na nila ang katotohanan at nagkaroon na sila ng landas ng pagsasagawa, nasisiyahan dito ang kanilang mga puso. Kung nagagawa nilang isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo, makasusumpong ng kaginhawahan ang kanilang puso, at magtatamo sila ng kalayaan at pagpapalaya. Kung mayroon kang kaunting tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, makikita mo nang malinaw ang lahat ng bagay sa mundong ito; matatanglawan ang iyong puso, at magkakaroon ka ng isang landas. Pagkatapos ay magtatamo ka ng ganap na kalayaan at kaginhawahan. Sa pagkakataong ito, mauunawaan mo ang kahulugan ng pagsasagawa sa katotohanan, pagbibigay-lugod sa Diyos, at pagiging tunay na tao—at dito, mapupunta ka sa tamang landas sa iyong pananampalataya sa Diyos.

Taglagas, 2007

Sinundan: Ang Kahalagahan ng Paghahangad sa Katotohanan at ang Landas ng Paghahangad Nito

Sumunod: Ang Landas ng Pagsasagawa Tungo sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito