Ang Landas ng Pagsasagawa Tungo sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao

Ano ang pagbabago sa disposisyon? Hindi ito masyadong nauunawaan ng karamihan sa mga tao. Ang pagbabago sa disposisyon ay ang pangunahing pangitain para sa mga mananampalataya ng Diyos. Ang pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon ay hindi isang simpleng bagay. Ito ay dahil hindi inililigtas ng Diyos ang mga bagong-likhang taong hindi ginawang tiwali ni Satanas, kundi ang isang grupo ng mga taong malalim nitong ginawang tiwali, puno ng mga satanikong lason at satanikong disposisyon, na katulad na katulad ni Satanas, at na lumalaban at nagrerebelde sa Diyos. Ang pagbabago sa tiwaling disposisyon ng isang tao ay parang paggamot sa isang taong may kanser. Isa iyong masalimuot na proseso, hindi ba? Nangangailangan ito ng operasyon, matagalang chemotherapy, at muling pagsusuri pagkalipas ng ilang panahon. Talagang masalimuot ang proseso. Kaya, huwag mong ituring na isang simpleng bagay ang pagbabago sa disposisyon. Hindi ito ang pagbabago sa pag-uugali o karakter na iniisip ng mga tao. Hindi ito isang bagay na nakakamit ng mga tao dahil lamang sa gusto nila. Maraming kaakibat na proseso sa pagbabago sa disposisyon—mga prosesong napakalinaw na ipinaliwanag sa mga salita ng Diyos. Samakatuwid, mula pa sa pinakaunang araw ng pagsampalataya mo sa Diyos, kailangan mo nang maunawaan kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao at ang epektong nais Niyang makamit sa pamamagitan ng pagliligtas sa kanila. Kung nais mong hangarin ang katotohanan at magtamo ng pagbabago sa disposisyon, kailangan mong baguhin ang mga mali mong pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Hindi hinihingi sa iyo ng pagsampalataya sa Diyos na maging isang taong may magandang asal, mabuti, o sumusunod sa batas, o na gumawa ng maraming mabuting gawa na nakakukuha ng pagsang-ayon ng iba. Dati, inakala ng mga taong ang pagsampalataya sa Diyos at paghahangad sa pagbabago sa disposisyon ay nangangahulugang pagiging isang taong mahilig magpalugod ng mga tao—pagkakaroon sa panlabas ng kaunting wangis ng tao, kaunting kultura, kaunting pasensiya, o kung hindi naman ay pagkakaroon ng kaunting panlabas na kabanalan at pagmamahal para sa ibang tao, pagtulong sa iba at pagbibigay ng limos. Sa madaling salita, pagiging ang itinuturing na mabuting tao sa saklaw ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang lahat ng tao ay nagtataglay ng gayong mga kuru-kuro at bagay sa kanilang mga puso—isa itong aspeto ng mga satanikong lason. Noon, walang sinumang sumasampalataya sa Diyos ang malinaw na nakapagpapaliwanag sa usapin ng pagbabago sa disposisyon. Hindi sila pamilyar sa mga usapin ng pananampalataya—hindi ito isang bagay na likas nilang nauunawaan, o na nauunawaan nila pagkalipas ng ilang taon ng pananampalataya sa Kristiyanismo. Ito ay dahil hindi pa nagagampanan ng Diyos ang aspetong ito ng Kanyang gawain, ni naipararating ang aspetong ito ng katotohanan. Iyon ang dahilan kung bakit maraming tao, batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, ang nagtuturing sa pananampalataya bilang isang usapin ng paggawa ng kaunting pagbabago sa panlabas nilang pag-uugali at mga kaugalian, at pagbabago sa ilan sa kapansin-pansing mali nilang perspektiba. Pinaniniwalaan pa nga ng ibang ang pagkakaroon ng pananampalataya ay tungkol sa pagtitiis ng mas matitinding paghihirap, hindi pagkain ng masasarap na pagkain, o hindi pagsusuot ng magagarang damit. Tulad lamang ng mga Katolikong madre sa mga Kanluraning bansa noon, na naniniwalang ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan lamang na pagtitiis ng mas maraming paghihirap at pagtatamasa ng mas kaunting bagay sa kanilang mga buhay—pagbibigay ng pera, kung mayroon sila, sa mahihirap, o paggawa ng mas maraming mabuting gawa upang makatulong sa iba. Buong buhay nila, pinagtuunan nila ang pagdurusa. Hindi sila kumain ng anumang masarap na pagkain; hindi sila nagsuot ng anumang magandang damit. Nang mamatay sila, ilang dolyar lang ang halaga ng mga damit nila. Maaaring naiulat ang kanilang mga gawa sa mga balita sa buong mundo. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito, sa mga isipan ng mga tao, tanging ang mga taong tulad nito ang mabuti at malinis; na tanging ang mga taong ito ang itinuturing ng mundo ng relihiyon na nakagawa ng mabubuting bagay at mabubuting gawa, na tanging sila ang sumailalim sa pagbabago at tunay na may paniniwala. Kaya naman, maaaring hindi naiiba ang lahat sa inyo, marahil ay naniniwala rin kayong ang pananampalataya sa Diyos ay tiyak na nangangahulugang pagiging isang mabuting tao—isang taong hindi nananakit o nang-iinsulto ng iba, na hindi gumagamit ng masamang pananalita o gumagawa ng masasamang bagay, isang tao na, sa panlabas ay makikita ng mga tao na isang mananampalataya ng Diyos at isang taong nakaluluwalhati sa Diyos. Isa itong kalagayan ng pag-iisip na taglay ng mga taong kasisimula pa lamang sa pagsampalataya sa Diyos. Naniniwala silang ito ang pagbabago sa disposisyon, at na ito ang uri ng taong kalugod-lugod sa Diyos. Tama ba ang perspektibang ito? Tanging ang mga taong kasisimula pa lamang sa kanilang pananampalataya ang nagtataglay ng gayong mga walang-muwang na kaisipan. Sa sandaling makaunawa na ang isang tao ng ilang katotohanan, madali nang mawawala ang ganitong mga uri ng pag-iisip. Kahit gaano pa kalalim nag-ugat sa puso mo ang bagay na ito noon, hindi pa ninyo natutuklasan ang mga pagkakamali at paglihis nito. Kahit pa gaano karaming taon ka nang sumampalataya sa Diyos, hindi pa lubusang nalulutas ang mga maling perspektibang ito. Mula rito, malinaw na kaunting tao lang ang tunay na nakauunawa kung ano ang pagbabago sa disposisyon, hindi rin nila nauunawaan kung ano ang kahulugan ng tunay na pagsampalataya sa Diyos, kung paano maging isang tunay na tao, kung anong uri ng tao ang kalugod-lugod sa Diyos, o kung anong uri ng tao ang katanggap-tanggap para sa Diyos, at kung anong uri ng tao ang nais makamit ng Diyos. Kung hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito, ipinakikita nitong hindi ka nakapaglatag ng matibay na pundasyon sa tunay na daan. Nangigibabaw pa rin ang mga kuru-kuro, imahinasyon, at pansariling kaisipang iyon ng tao sa iyong pag-iisip at mga perpektiba.

Sinasabi ng ilang tao: “Pakiramdam ko ay hindi pa rin ako nagbabago. Nagagalit ako kung suwail ang anak ko, o kung may ginagawa ang asawa ko na hindi ko gusto. Kapag nakikita kong hindi sumasampalataya sa Diyos ang mga hindi mananampalataya, kinasusuklaman ko sila. Hindi ba’t mga paghahayag pa rin ito ng katiwalian at kawalan ng pagbabago sa disposisyon?” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi, hindi ito tama.) Ano ang mali rito? Nakatuon lamang ito sa panlabas na pag-uugali. Sabihin mo sa Akin, kapag nagsasalita ang Diyos tungkol sa pagbabago sa disposisyon, ang ibig sabihin ba Niya ay isang pagbabago sa karakter o ugali ng isang tao? Talagang hindi. May ilang taong naniniwalang ang pagbabago sa disposisyon ay isa lamang pagbabago sa karakter, at inaakalang ang pagiging masyadong mapagpasensiya at hindi kailanman pag-iinit ng ulo ng isang tao ay pagbabago sa disposisyon, ngunit isa itong malaking pagkakamali. Karamihan sa mga tao ang hindi nakakikita nang malinaw sa usapin ng pagbabago sa disposisyon. Iniisip nilang mas malapit na sila ngayon sa Diyos at katugma Niya sa ilang aspeto, at na bagaman kung minsan ay hindi sila nakapagpapasakop at nag-iinit ang ulo nila kapag nakahaharap sila ng mga bagay na hindi umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, yamang napagninilayan nila ito kalaunan, nalalaman ito, at nakapagdarasal at nakapagsisisi sila sa Diyos, nangangahulugan itong nagbago na sila. Sa palagay ba ninyo ay ipinakikita ng ganitong uri ng pagbabago ang isang pagbabago sa disposisyon? Paano ninyo kikilatisin ang ganitong uri ng kalagayan? Ano ba ang kinakailangan sa pagbabago sa disposisyon? Anu-ano’ng mga kalagayan at pagpapamalas ang nagaganap sa isang taong nagbago na ang disposisyon? (Ang pagbabago sa disposisyon ay pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, pagtuklas sa sarili naming tiwaling diwa, pagbabago ng aming mga pananaw tungkol sa mga bagay-bagay, at unti-unting pagkakamit ng pagiging magkatugma sa Diyos. Hindi ito hindi kailanman pagkagalit, o pagkakaroon ng kakayahang pigilan ang aming sarili nang sa gayon ay mas madalang na mag-init ang aming ulo. Wala itong kinalaman sa pagbabago sa disposisyon.) Isa itong medyo dalisay na pagkaunawa. May itatanong muna Ako sa inyo, at puwede ninyo itong pag-isipan: Kung nagbago na ang iyong disposisyon, at nauunawaan mo na ang katotohanan, magiging katugma na sa Diyos ang iyong pananaw sa mga bagay-bagay. Kapag katugma sa Diyos ang pananaw mo sa mga bagay-bagay, magiging katugma ka pa rin ba sa tiwaling sangkatauhan? Hindi na. Magagawa mo nang kapootan si Satanas at ang mga diyablo sa iyong puso, at makararamdam ka ng pagtutol, pag-ayaw, at pagkamuhi sa tiwaling sangkatauhang lumalaban at nagtataksil sa Diyos; magagawa mong kasuklaman ang lahat ng uri ng negatibong bagay, lalo mo pang aayawang makisama sa mga taong pag-aari ng mga diyablo, at magagawa mong mahalin ang minamahal ng Diyos at kapootan ang Kanyang kinapopootan. Ang mga ito ang mga resultang nakukuha sa pag-unawa sa katotohanan. Kung kaya mo talagang kilalanin ang sarili mo at makita ang totoo sa sarili mong kalikasang diwa, makikita mo na ang totoo sa pangkaraniwang diwa ng tiwaling sangkatauhan, at likas na kamumuhian ang mga tiwaling taong lumalaban sa Diyos. Kapag nakita mo ang mga mali at katawa-tawa nilang pananaw, hindi mo gugustuhing makisama sa kanila, at kasusuklaman at tatanggihan mo sila. Lalo na kapag nakita mo ang di-makatwirang pagkondena ng mundo ng relihiyon sa pagkakatawang-tao at ang matindi nilang pagkapoot at pagkamuhi sa katotohanan, likas mong kamumuhian ang mga anticristong puwersa na ito at ganap silang tatanggihan. Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan at nakikilala ang Diyos, likas mong kamumuhian ang mga taong mapanlaban sa Diyos, sumusuway, nagtatakwil, at nagtataksil sa Kanya. Paano ka pa rin kaya magiging katugma sa mga taong iyon? Samakatuwid, kung nagbago na ang disposisyon mo sa buhay, labis mong kasusuklaman at kamumuhian ang mga hindi mananampalataya, at ang lahat ng lumalaban sa Diyos. Gayunman, dahil kasalukuyan tayong naninirahan kasama ang mga tiwaling tao, makapagtitiis na lamang tayo, at makapamumuhay batay sa karunungan. Hindi natin sila maaaring alipustahin, tanggihan, at layuan, balewalain, o magsimula ng mga away kapag nakikita natin sila dahil lamang sa nauunawaan natin ang katotohanan at nagbago na ang ating disposisyon. Hindi natin dapat gawin ang mga bagay na ito, kailangan nating maging matalino. May isa pang usaping hindi pa ninyo masyadong nauunawaan—iniisip ng ilan sa inyong ang pagbabago sa disposisyon at pagiging katugma sa Diyos ay nangangahulugang hindi pagkakaroon ng anumang tendensiyang magalit, at pagiging malumanay at mabait at pagngiti nang maganda kahit sa mga diyablo at Satanas, na isa itong pagbabago sa disposisyon. Tama ba ang pagkaunawang ito? (Hindi, hindi ito tama.) Isa itong maling-maling pagkaunawa. Ngunit bakit mali ito? Gusto ng Diyos na iligtas ang mga tao, at bumigkas na Siya ng maraming salita at gumawa ng maraming gawain, ngunit anong uri ng tao ang nais Niyang maging ang mga tao? Gusto Niyang maging tao sila na ang mga kaisipan ay pinangungunahan ng katotohanan, na ginagamit ang katotohanan bilang kanilang sawikain sa buhay. Ayaw Niyang mawalan sila ng kaisipan, na parang hangal, lalong ayaw Niyang mawalan sila ng tendensiyang magalit o mga normal na damdamin, na parang taong nasa kalagayang gulay. Gusto Niyang maging tao silang nakauunawa sa katotohanan at kayang makinig sa Kanyang mga salita at sumunod sa Kanya, normal na taong nagmamahal sa minamahal Niya at napopoot sa kinapopootan Niya, na nagnanais sa ninanais Niya, at namumuhi at tumatanggi sa kinamumuhian Niya. Ngayon ay dapat nang maging malinaw sa inyo kung ano ang gustong baguhin ng Diyos sa mga disposisyon ng mga tao. Napakarami nang binigkas na salita at napakarami nang ipinahayag na katotohanan ng Diyos; nais Niyang iligtas ang mga tao at baguhin ang bawat tao gamit ang Kanyang mga salita. Kahit kailan ba ay naisip na ninyo kung ano ang wangis na nais ng Diyos na taglayin ng mga taong ginagawa Niyang kumpleto? Naririnig Kong sinasabi ng maraming kapatid, “Napakahabang panahon ko nang sumasampalataya sa Diyos, pero napipigilan pa rin ako ng maraming panlabas na usapin.” Sinasabi ng ilang sister, “Gusto kong magsuot ng mga damit na nakikita kong isinusuot ng mga hindi mananampalataya, at magnakaw ng kaunting sulyap pa sa sinumang makikita kong maganda ang bihis.” Sinasabi ng ilang brother, “Kapag nakakikita ako ng mayayaman, nakaririwasang pamilya, gusto ko na ring kumita ng pera. Kapag nakakikita ako ng magandang babae, gusto ko siyang tingnang muli, at gusto kong magalit sa tuwing makakikita ako ng anumang bagay na hindi kasiya-siya para sa akin. Hindi pa rin nagbabago ang mga tiwaling disposisyon kong ito, at kapag may mga nangyayari sa akin, lagi kong pinahihintulutang mapunta kung saan-saan ang imahinasyon ko. Paano ko makokontrol ang mga bagay na ito? Kailan ako makapagbabago?” Ang mga ideyang ito ang nagtulak sa Aking magsabi na hindi ninyo nauunawaan kung ano ang pagbabago sa disposisyon. Pinipigilan lamang ninyo ang inyong sarili pagdating sa inyong pag-uugali, mga panlabas na kilos, at tendensiyang magalit at karakter. Imposibleng magtamo ng pagbabago sa disposisyon nang ganito. Alin sa mga salita ng Diyos ang nagsasabing hindi kayo dapat magsalita nang malaya, o magpakita ng inyong mga emosyon kapag gusto ninyo, o magalit, at iba pa? Ito ba ang sinasabi ng salita ng Diyos? Naghahayag lamang ang kanyang mga salita ng maraming bagay tungkol sa tiwaling diwa ng tao, at nagsasabi sa mga tao kung paano makikilala ang kanilang mga tiwaling disposisyon, kung paano iwawaksi ang mga iyon at magtatamo ng pagbabago sa disposisyon, makawawala sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, at pagkatapos ay makakikilos batay sa mga hinihingi ng Diyos, at magiging isang taong umaayon at nagbibigay-lugod sa kalooban ng Diyos. Sa sandaling maunawaan mo ang usapin ng kung ano ang pagbabago sa disposisyon, aalalahanin mo pa ba ang mga panlabas na kilos na ito? Magiging abala ka pa rin ba sa lahat ng panlabas na gawaing ito? (Hindi.) Kung hindi mo nauunawaan kung ano ang pagbabago sa disposisyon, kailanman ay hindi mo maiintindihan ang diwa nito o makakamit ito. Partikular na, para sa ilan sa mga taong kababalik-loob lamang mula sa relihiyon, hindi pa rin nagbabago ang mga pananaw nila tungkol sa pananampalataya sa Diyos mula sa mga ideya at kuru-kuro ng relihiyon. Hinihangad pa rin nilang maging espirituwal, banal, mapagpakumbaba, at mapagpasensiyang tao, mapagmahal na taong mahilig magpalugod ng mga tao, at mapagkawanggawa, ngunit isa itong malaking pagkakamali! Kung hahangarin mong maging ganitong uri ng espirituwal na tao at taong mahilig magpalugod ng mga tao, isa kang taong hindi nakauunawa sa mga espirituwal na bagay. Mauunawaan ba ng isang taong mahilig magpalugod ng mga tao ang katotohanan? Makapagtatamo ba siya ng pagkakilala sa sarili at maiwawaksi ang kanyang tiwaling disposisyon? Talagang hindi. Ang mga taong naghahangad na maging mga taong mahilig magpalugod ng mga tao ay hindi kailanman magtatamo ng katotohanan, hindi kailanman makikilala ang kanilang sarili at magtatamo ng pagbabago sa disposisyon, at hindi kailanman matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Samakatuwid, kung nais mong magtamo ng pagbabago sa disposisyon, kailangan mo munang maunawaan kung ano ito, at kung ano ang tunay na pananampalataya at pagpapasakop sa Diyos. Saka mo lamang matatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan.

Hindi nakabatay ang pagbabago sa disposisyon sa mga pagbabago sa mga rituwal o patakaran, at lalong hindi sa mga pagbabago sa panlabas na anyo o panlabas na pag-uugali, karakter, o tendensiyang magalit ng isang tao. Hindi ito tungkol sa pagbabago ng ugaling mabagal magalit sa ugaling mabilis magalit, o ang kabaligtaran nito, hindi rin ito tungkol sa pagbabago ng isang taong mapagsarili sa isang taong mahilig makihalubilo, o ng isang madaldal na tao sa isang tahimik na tao. Hindi ganito ang paraan, ibang-iba ito sa mga hinihingi ng Diyos, at napakalayo! Kapag nagsisimulang sumampalataya ang isang tao sa Diyos, dahil hindi niya nauunawaan ang katotohanan, lagi niyang ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon. Nagbubunga ito ng pagkalihis niya sa tamang landas, at pagsasayang ng ilang taon ng kanyang panahon nang hindi nagtatamo ng anumang tunay na bagay. Sa panahong iyon, hindi niya alam na dapat niyang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Humahantong ito sa pagsunod niya sa mga maling direksyon sa loob ng ilang taon, bago napagtatantong ang pinakamahalagang bagay sa pagsampalataya sa Diyos ay ang pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa realidad upang matamo ang kaligtasan, at na ito ang pinakamahalagang bagay. Saka lamang niya nauunawaang ang pagbabago sa disposisyong sinasabi ng Diyos ay hindi tumutukoy sa mga pagbabago sa panlabas na pag-uugali at na sa halip, hinihingi ng Diyos sa mga tao na unawain ang kanilang sarili at ang sarili nilang tiwaling diwa, magsikap at hanapin ang pangunahing dahilan tungkol sa pag-unawa sa kalikasang diwa ng tao, at pagkatapos ay iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, isagawa ang katotohanan, at makasunod at makasamba sa Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagbabago ng disposisyon sa buhay ng isang tao. May kamalayan na ba kayo ngayon sa pangunahing dahilan kung bakit ilang taon na kayong sumasampalataya sa Diyos nang hindi nagtatamo ng anumang pagbabago sa disposisyon? Ito ay dahil hindi ninyo nauunawaan kung ano ang pagbabago sa disposisyon, at hindi ninyo alam kung ano ang mga resulta at pamantayang nais makamit ng Diyos sa pamamagitan ng pagliligtas sa mga tao. Maaaring hindi tanggapin ng ilang tao ang aspetong ito ng katotohanan, at sabihing: “Alam ko kung ano ang pagbabago sa disposisyon, pero hindi ko lang talaga makontrol ang sarili ko. Lagi kong ginagawa ang mga bagay na gusto ko, at mga bagay na sa palagay ko ay tama.” Sa pangkalahatan, paano mo man ito sabihin, pinatutunayan ng ganitong paraan ng pagsasalitang hindi mo pa rin nauunawaan kung ano ang pagbabago sa disposisyon, na siyang dahilan kung bakit nakabuo ka ng lahat ng uri ng kuru-kuro at imahinasyon. Habang mas binabanggit ang pagbabago sa disposisyon, tila lalo itong lumalayo sa iyo, lalo mong nararamdamang hindi mo ito maabot, at tila lalo kang nagkukulang dito. Habang mas tinatalakay ang pagbabago sa disposisyon at paghahayag sa kalikasang diwa ng sangkatauhan, hindi ba’t lalo pa ninyong nararamdamang hindi talaga nagbago ang inyong disposisyon, at na kailangan ninyong ipagpatuloy ang pagsusumikap? Bakit Ko ba kayo tinatanong tungkol sa pagbabago sa disposisyon? Ang totoo, alam Kong hindi kayo makasasagot. Sasabihin ng ilang tao, “Hindi ba’t pinahihirap Mo lang ang mga bagay-bagay para sa amin? Bakit Mo pa kami tatanungin kung alam Mo namang hindi kami makasasagot?” Hindi Ko pinahihirap ang mga bagay-bagay para sa inyo. Sa bawat katanungan Ko, umaasa Akong isasapuso ninyo ang mga iyon. Huwag lamang ninyong isipin ang bawat pangungusap o paksang ibinabahagi Ko at ituring na tapos na ang usaping iyon sa sandaling tila naunawaan na ninyo ang mga iyon. Ang bawat pangungusap, at bawat aspeto ng paksang ibinabahagi Ko ngayon ay isang prosesong kakailanganin ninyong pagdaanan sa hinaharap. Walang bahagi nito ang maaaring alisin, at ang lahat ng ito ay mga bagay na pangunahing wala sa inyo. Tinatanong Ko kayo sa pag-asang pagninilayan ninyo ang inyong sarili, at susuriin kung nagtataglay kayo ng anumang kuru-kuro at imahinasyon ng tao sa inyong mga puso. Dapat ay pagnilayan ninyong mabuti kung mayroon kayong anumang kuru-kuro ng tao o anumang maling kaisipan at ideya sa pamamaraan ninyo sa pananamapalataya sa Diyos. Ang totoo, ang lahat ng tao ay may kanya-kanyang mga utak at kaisipan, at hindi naiiba ang mga bagay na tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Kaya, kailangan ninyong suriin ang diwa ng mga kaisipan at kuru-kurong ito. Sa ngayon, hindi tayo sumasailalim sa mga pormalidad sa ating mga pagtitipon na gaya ng ginagawa ng mga tao sa mundo ng relihiyon: nagbabasa ng Bibliya, nagdarasal, nakikinig sa mga sermon, at hanggang doon na lang iyon. Ganoon kaya iyon kasimple? Siyempre, hindi. Ang mga paksang tinatalakay natin ngayon ay ang pinakamahalaga sa lahat ng paksa ng tao, at mas mahalaga kaysa sa anupaman, dahil ang mga paksang pinag-uusapan natin ngayon ay tungkol sa hinaharap na destinasyon ng sangkatauhan, at ang mga hinihingi ng Diyos, na Tagapamahala ng lahat ng bagay, sa tao. Sinisiyasat natin ang ganitong mga uri ng paksa at pinagbabahaginan ang mga ito araw-araw, ngunit marahil kahit sa ngayon ay may mga taong hindi masyadong nakauunawa sa mga iyon. Hindi pa natin natatapos pagbahaginan ang mga paksang ito, at wala ni isa sa mga ito ang ganap na mailalarawan o maipaliliwanag. Samakatuwid, ang mga usaping ukol sa buhay ay hindi kasing simple ng iniisip ng mga tao. Hindi lamang ito isang kaso ng pakikinig sa mas maraming sermon, pagbabasa ng mas marami sa salita ng Diyos, pagtatala nang mas marami, at pagkatapos ay pagsasaulo sa ilang tanyag na kataga, at paggamit sa mga bagay na iyon upang magbahagi sa mga kapatid sa mga pagtitipon. Hindi iyon ganoon kasimple. Kailangan mong bigyang-pansin, kailangan mong unawain ang bawat aspeto ng katotohanang binabanggit ng Diyos, at ang mga ito ay mga katotohanan ding kailangang isangkap ng lahat ng taong naghahangad na magtamo ng kaligtasan sa kanilang sarili. Kung nauunawaan mo kung bakit hinihingi ng Diyos sa mga tao na magtamo ng pagbabago sa disposisyon, bibigyang-pansin mo ito sa iyong puso at pagsisikapan ang katotohanan. Kung hindi mo nakikita nang malinaw kung tungkol saan talaga ang pagbabago sa disposisyon, hindi mo mamahalin o bibigyang-pansin ang katotohanan. Sa kabaligtaran, hindi ka magkakaroon ng interes sa katotohanan, kaya kailanman ay hindi ka makapagtatamo nito. Binibigyang-liwanag ng Diyos ang mga taong nasasabik sa katotohanan, at pinagtataguan ang mga taong hindi naghahangad dito. Kung mayroon kang pusong nasasabik, naghahanap, bibigyang-liwanag ka ng Diyos, gagawa Siya sa iyo, at, paunti-unti, ipauunawa Niya sa iyo nang malinaw ang lahat ng aspeto ng katotohanan. Sa palagay ba ninyo ay mahalaga ang paksa ng pagbabago sa disposisyon? (Oo, mahalaga ito.) Mahalaga talaga ito, dahil ngayon mismo ay kailangang maunawaan na ninyo agad ang aspetong ito ng katotohanan. Nangangamba kayong hindi kayo nagtataglay ng katotohanan, na hindi kayo nagbago, at maiiwanan kayo pagsapit ng mga sakuna, at nangangamba kayong masasadlak kayo sa mga sakuna, at magdurusa roon. Siyempre, may ilang taong nangangamba na masyadong kaunti ang nauunawaan nilang katotohanan ngayon, at na kapag sinubok sila ng Diyos sa hinaharap, madarapa sila at hindi makapaninindigan, nasasayang ang lahat ng mga nauna nilang pagsisikap. Dahil ito na ang huling yugto ng gawain ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, kung hindi makapagtatamo ang mga tao ng kaligtasan sa yugtong ito, ganap na mabibigo ang kanilang pananampalataya sa Diyos, matatapos na ang kanilang buhay ng pananampalataya sa Diyos, at sa huli ay mawawasak sila.

Kung nais mong magtamo ng pagbabago sa disposisyon, kailangan mo munang maunawaan kung ano ito. Katatapos Ko lang talakayin kung ano ang iniisip ng ilang tao na pagbabago sa disposisyon sa kanilang mga kuru-kuro, at sumang-ayon kayong lahat na ang mga pahayag at pananaw ng mga taong ito ay hindi tama, mali, at di-katugma ng pagbabago sa disposisyong hinihingi ng Diyos. Kaya, paano ninyo dapat maunawaan ang pagbabago sa disposisyon? Paano ninyo ito dapat matamo? Ang pagtatamo ng pagbabago sa disposisyon ay hindi isang simpleng bagay. Kailangan muna ninyong magtaglay ng kakayahang kumain, uminom, at umunawa ng mga salita ng Diyos. Kung hindi ninyo taglay ang katangiang ito, hindi ninyo magagawang unawain ang katotohanan o kilalanin ang inyong sarili, at sa gayon ay hindi kayo makapagtatamo ng pagbabago sa disposisyon. Kung nais ninyong magtamo ng gayong pagbabago, kailangan ninyong malaman ang sarili ninyong tiwaling disposisyon, at makilatis ang iba’t iba ninyong maling kaisipan, perspektiba, pag-uugali, at pagpapamalas batay sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos ay kailangan ninyong ikumpara ang inyong kalagayan sa salita ng Diyos, at maunawaan ang sarili ninyong tiwaling disposisyon. Sa sandaling malinaw na ninyong nakikita na ang diwa ng tiwaling disposisyong ito ay isang bagay na lumalaban at nagtataksil sa Diyos, at isang bagay na kinapopootan Niya, maiwawaksi na ninyo ang inyong tiwaling disposisyon at unti-unting matatamo ang pagbabago sa disposisyon. Sabihin ninyo sa Akin, yamang lubha nang nagawang tiwali ang sangkatauhan, mauunawaan ba nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon kung hindi nila tatanggapin ang mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos? Makikita ba nila ang realidad ng matinding katiwalian ng sangkatauhan? Ipinanunukala ng lahat ng tiwaling tao ang edukasyon, tinatanggap at pinaglalabanan nilang lahat ang kaalaman, subalit lalo lamang nagiging mapanglaw at masama ang mundo ng tao. At sino ang makapagliligtas sa sangkatauhan mula sa impluwensiyang ito ng kadiliman? Samakatuwid, imposible talagang magtamo ng pagbabago sa disposisyon at magsabuhay ng wangis ng tao kung lilihis ka sa salita ng Diyos, at hindi mo tatanggapin ang Kanyang paghatol at pagdadalisay. Sinasabi ng ilang tao: “Ayaw kong basahin ang mga salita ng Diyos tungkol sa paghatol at paglalantad sa mga tao, dahil ang pagbabasa sa mga bagay na ito ay tumatagos sa puso ko at nakaiilang sa akin.” Makikilala ba nila ang kanilang sarili sa pagharap sa mga salita ng Diyos nang ganito? Magiging madali ba para sa kanilang magtamo ng pagbabago sa disposisyon? Ayos lang kung ayaw mong basahin ang mga salita ng Diyos na humahatol at kumakastigo sa sangkatauhan, dahil may mga himno ng salita ng Diyos ang sambahayan ng Diyos, pati na mga video ng patotoong batay sa karanasan, para mapanood, at matutuhan mo. Mas awitin mo ang mga himnong iyon, dahil nakalapat ang mga iyon sa mga himig, na nagpapadali sa mga iyong matutuhan at makabisado. Ang matutuhang kantahin nang ganito ang mga himnong ito ng salita ng Diyos ay magdadala ng mga resulta, at magiging madali para sa iyong matandaan ang ilan sa Kanyang mga salita. Simulan mo ang pagpukaw sa iyong interes sa katotohanan gamit ang mga salitang ito. Dahil kinakailangang pukawin ang interes ng mga tao kahit pagdating sa pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos—sabihin mo sa Akin, gaano kalayo ang sangkatuhan sa mga hinihingi ng Diyos, na kailangan pang mapukaw ang interes ng mga tao sa pamamagitan ng mga himno? Pinatutunayan nitong talagang hindi minamahal ng sangkatuhan ang katotohanan! Napakahusay ng pagkakabigkas sa mga salita ng Diyos, at anumang aspeto ng katotohanan ang pinagbabahaginan, kapaki-pakinabang ang mga iyon sa tao, mula umpisa hanggang sa dulo, ngunit ayaw pa rin ng mga taong kainin at inumin ang mga iyon. Talagang napakalayo ng sangkatauhan sa mga hinihingi ng Diyos! Kung gayon, ano ang dapat gawin tungkol sa sitwasyong ito? Una, kailangan mong magdasal sa Diyos sa tuwing kakain at iinom ka ng Kanyang mga salita, sabihin mong: “O Diyos, nais kong magsikap para sa pagbabago sa disposisyon at magtamo ng magandang destinasyon, dahil natatakot akong masadlak sa mga sakuna. Gusto ko ring mas kumain at uminom ng Iyong mga salita, ngunit masyadong malupit ang mga taong humahatol at naglalantad sa mga tao, tumatagos ang mga iyon sa puso ko, kaya ayaw kong basahin ang mga iyon. Pakiusap, bigyang-liwanang Mo ako, tulungan Mo ako, bigyang-daan Mo akong maunawaan ang Iyong mga salita, at makitang ang Iyong mga salita ang tanging kailangan ng aking buhay, at na ang mga iyon ang buhay na dapat kong matamo.” Kung taimtim kang magdarasal nang ganito, gagawa ang Diyos sa iyo nang hindi mo man lang napagtatanto, at unti-unting magdudulot sa iyong makaunawa ng mas marami sa Kanyang mga salita, nang palalim nang palalim. Sinasabi ng ilang tao: “Gustong-gusto kong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at nabasa ko na ang mga iyon mula simula hanggang dulo, pero hindi ko alam kung aling mga katotohanan ang pinakamahalagang maunawaan, at kung aling mga katotohanang realidad ang pinakamahalagang pasukan, o kung paano ako dapat maghangad upang magtamo ng pagbabago sa disposisyon.” Paano malulutas ang problemang ito? Una, kailangang higit mo pang pagsikapan ang mga salita ng Diyos. Hindi sapat na basahin lamang ang mga iyon nang ilang beses. Kailangan mong basahin ang mga iyon nang mabuti nang maraming beses, pagnilayan at ibahagi ang mga iyon nang madalas, at isagawa ang mga iyon sa iyong buhay, hanggang sa magkaroon ka ng aktuwal na karanasan. Saka mo lamang mauunawaan ang katotohanan. Dagdag pa roon, kung hindi ninyo kayang magbahagi nang malinaw tungkol sa ilang paksa, magbahagi lang kayo sa hanggang saanmang kaya ninyo. Isantabi ninyo ang mga paksang hindi talaga ninyo kayang ibahagi nang malinaw sa ngayon; piliin muna ninyong magbahagi, mula sa mababaw hanggang sa malalim, tungkol sa mga bagay na mas madali ninyong mauunawaan, at na maaabot ng kasalukuyang antas ng inyong karanasan. Ang pagpasok sa buhay ay hindi isang simpleng bagay, at imposibleng makapasok nang malalim matapos sumampalataya nang tatlo o limang taon lamang. Kapareho ito ng proseso ng paghusto ng gulang: unti-unting paglaki mula sa pagkabata, lumalago, hanggang sa wakas ay maging husto na ang gulang mo pagkalipas ng dalawampu o tatlumpung taon. Kinakailangan din ng ganito karaming taon ng karanasan sa pagsampalataya sa Diyos, at para naman sa mga katotohanang tungkol sa pagsunod at pagmamahal sa Diyos, inaabot ng buong buhay para maranasan ang mga iyon. Sinasabi ng ilang tao: “Ganito naman ako kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, ngunit paano ko ba talaga matatantiya kung nakagawa na ako ng anumang pagbabago sa aking disposisyon?” Maraming kapatid ang interesado sa tanong na ito. Sabihin mo sa Akin, kapag kapapanganak pa lang ng isang sanggol, at pinakakain at inaalagaan siya ng kanyang ina, inaalala ba ng sanggol kung kailan magiging husto ang gulang niya? Siyempre, hindi, dahil hindi niya ito nauunawaan. Kaya, hindi mo ito kailangang itanong. Maghintay ka na lang hanggang sa lumago na ang iyong tayog, tapos ay likas mo na itong mauunawaan, at kapag dumating na ang panahong dapat ka nang magbago, likas kang magbabago. Gagawa ang Diyos ng ilang bagay sa bawat yugto at panahong pagdaraanan mo, magsasaayos ng ilang kapaligiran o tao, usapin, at bagay upang matuto ka ng mga aral. Magbalik-tanaw ka sa iyong pananampalataya sa Diyos, mula noong simula nito hanggang sa ngayon, ihambing mo kung anong uri ng mga pananaw ang mayroon ka noong una kang sumampalataya sa Diyos sa mga pananaw mo ngayon, at malalaman mo kung nagbago ka na. Ngayon, ang pinakamahalagang bagay na dapat ninyong gawin ay kumain at uminom ng mas marami sa mga salita ng Diyos, mas magbahagi, at makinig sa mas maraming sermon, at lalong pagsumikapan ang mga salita ng Diyos. Napakahalaga nito, at ito ang pangunahing kondisyon sa pagtatamo ng pagbabago sa disposisyon. Magkakamit ka ba ng mga resulta kung hindi ka magbabasa ng mga salita ng Diyos o magbabahagi ng katotohanan, bagkus ay tutuon lamang sa kung paano madarama ang paghipo ng Banal na Espiritu, kung paano mabubuhay sa loob ng espiritu, at magiging espirituwal? Walang saysay na laging pagtuunan ang mga bagay na ito, dahil pawang pangalawa ang mga iyon. Kaya, ano ang pinakamahalagang bagay? Ang higit na pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Kung hindi ka maingat na kakain at iinom ng Kanyang mga salita, kahit pa makipagtipon ka araw-araw o magdaos ka ng mga seremonya ng relihiyon nang mabuti, hindi mo mauunawaan ang katotohanan, lalong hindi mo ito maisasagawa. Ito ay dahil nakapaloob lahat ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, at kailanman ay hindi mo ito makakamit kung hindi ka kakain at iinom ng Kanyang mga salita. Nanggagaling ang lahat ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, at kung tatalikuran mo ang Kanyang mga salita, katumbas iyon ng pagtalikod sa Diyos. Kung lilihis ka sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, hindi ka sumasampalataya sa Diyos, at isa ka sa mga hindi mananampalataya. Kung gayon, kahit gaano pa kabuti ang iyong pag-uugali, kailanman ay hindi ka makapagtatamo ng kaligtasan. Samakatuwid, sa mga taong sumasampalataya sa Diyos, ang pagkain at pag-inom sa Kanyang mga salita ang pinakamahalagang bagay. Kung pagsisikapan mo ang salita ng Diyos, tatamuhin mo ang kasing dami ng iginugugol mo rito. Hindi mo na kailangang siyasatin, timbangin, lalong hindi alalahanin kung gaano talaga kalaki ang mga pakinabang na ito. Hindi mo ito responsibilidad. Gagawin ng Diyos ang Kanyang gawain, at bibigyan ka ng Diyos ng paliwanag, bibigyang-liwanag ka, at ipaaalam ito sa iyo. Kaya, kung may magtatanong ulit sa hinaharap: “Kailan ako susubukin ng Diyos? Makapaninindigan ba ako? Gaano ba talaga kalaki ang ipinagbago ng disposisyon ko? Hindi ba ako puwedeng bigyan ng Diyos ng tiyak na sagot?” Kalokohan at di-makatwiran ito. Hindi mo kailangang alalahanin ang gayong mga bagay. Kapag isang araw ay magkaroon ka na ng tayog, at magbago na talaga ang iyong disposisyon, mapagtatagumpayan mo ang isang sitwasyong mangyayari sa iyo at mahaharap ito nang tama, gamit ang mga pamamaraang hinihingi ng Diyos. Pagkatapos ay malalaman mong nagbago ka na. Hindi ito isang panlabas na pagbabago, kundi isang panloob na pagbabago, at isa itong pagbabago sa disposisyon at diwa.

Ang pagbabago sa disposisyon ay hindi isang bagay na biglaang nangyayari, o isang bagay na natatamo pagkatapos ng ilang taon ng karanasan. May ilang taong madalas na nabibigo at nadarapa kapag sinisimulan nilang baguhin ang masasama nilang gawi, at naiisip nilang: “Tapos na ako. Wala na akong pag-asa. Hindi para sa akin ang pagbabago sa disposisyon, imposible para sa aking magbago. Kung napakahirap para sa aking baguhin kahit ang maliliit na kapintasan o masasamang gawing ito, tiyak na lalo pang magiging mahirap na baguhin ang aking disposisyon.” Nagiging negatibo sila, pakiramdam nila ay wala na silang pag-asa, at ayaw nilang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos sa loob ng mahabang panahon. Sa tuwing tinatabasan at iwinawasto sila ng sinuman, naiinis at nagiging negatibo sila, ayaw nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin, at ganap silang nawawalan ng interes sa katotohanan. Ano ang kalagayang ito? Isa itong malubhang problema. Kahit kailan ba ay nagkaroon na kayo ng ganitong uri ng karanasan? Natatakot ba kayong, sa proseso ng inyong karanasan sa buhay, lagi kayong magiging negatibo, mahina, mabibigo, at madarapa? Natatakot man kayo o hindi, totoo na hindi nangyayari nang biglaan ang pagbabago sa disposisyon. Ito ay dahil nagsisimula ang pagbabago sa disposisyon sa pinakaugat ng tiwaling kalikasan ng sangkatauhan, at isa itong radikal at ganap na pagbabago. Parang kapag nagkakaroon ang isang tao ng kanser at tinutubuan ng isang tumor: Kailangan siyang maoperahan upang matanggal ang tumor, kailangan niyang tiisin ang maraming pagdurusa, at isa itong napakamasalimuot na proseso. Sa proseso ng pagbabago sa disposisyon, maaari kang magdaan sa maraming bagay bago makaunawa ng kaunti sa katotohanan o magtamo ng isang aspeto ng pagbabago sa disposisyon, o maaari kang magdanas ng maraming tao, usapin, bagay, at iba’t ibang kapaligiran, at makagawa ng maraming maling pagliko, bago ka magtamo sa wakas ng kaunting pagbabago. Mahalaga ang pagbabagong ito, gaano man ito kalaki, at pinahahalagahan at inaalala ito sa mga mata ng Diyos dahil matindi na ang pinagdusahan mo at malaki na ang ibinayad mong halaga para dito. Sinusuri ng Diyos ang kaibuturan ng mga puso ng mga tao, nalalaman ang kanilang mga iniisip at ninanais, at ang kanilang mga kahinaan, ngunit higit sa lahat, nalalaman ng Diyos kung ano ang kailangan nila. Upang sundin ang praktikal na Diyos, kailangan nating taglayin ang determinasyong ito: Gaano man katindi ang mga kapaligirang hinaharap natin, o anumang uri ng mga paghihirap ang hinaharap natin, at gaano man tayo kahina o kanegatibo, hindi tayo maaaring mawalan ng pananampalataya sa ating pagbabago sa disposisyon o sa mga salitang binigkas ng Diyos. Nangako ang Diyos sa sangkatauhan, at hinihingi nito sa mga taong magkaroon ang determinasyon, pananampalataya, at pagtitiyaga upang makayanan ito. Ayaw ng Diyos ng mga duwag; gusto Niya ng mga taong may determinasyon. Kahit pa nakapaghayag ka ng maraming katiwalian, kahit pa maraming beses ka nang nakatahak sa maling landas, o nakagawa ng maraming paglabag, nagreklamo tungkol sa Diyos, o mula sa loob ng relihiyon ay nakalaban sa Diyos o nagkimkim ng kalapastanganan laban sa Kanya sa iyong puso, at iba pa—hindi tinitingnan ng Diyos ang lahat ng iyon. Tinitingnan lang ng Diyos kung hinahangad ng isang tao ang katotohanan at kung makapagbabago siya isang araw. Sa Biblia, may isang kuwento tungkol sa pagbabalik ng alibughang anak. Bakit nagkuwento ang Panginoong Jesus ng gayong parabula? Ang kalooban ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan ay taos-puso. Binibigyan Niya ang mga tao ng mga pagkakataon na magsisi at mga pagkakataon na magbago. Sa prosesong ito, nauunawaan Niya ang mga tao at alam Niya nang lubusan ang kanilang mga kahinaan at lawak ng kanilang katiwalian. Alam Niyang matitisod at mabibigo sila. Tulad ito nang ang mga bata ay natututong maglakad: Gaano man kalakas ang iyong katawan, may mga panahong madadapa ka, at mga panahong matatalisod ka. Nauunawaan ng Diyos ang bawat tao tulad ng pag-unawa ng isang ina sa kanyang anak. Nauunawaan niya ang mga paghihirap ng bawat tao, ang kanilang mga kahinaan, at kanilang mga pangangailangan. Higit pa roon, nauunawaan ng Diyos kung anu-ano ang mga paghihirap, kahinaan, at kabiguang kahaharapin ng mga tao habang pumapasok sa proseso ng pagbabago sa kanilang disposisyon. Ang mga ito ang mga bagay na nauunawaang mabuti ng Diyos. Ibig sabihin nito ay sinusuri ng Diyos ang kaibuturan ng mga puso ng mga tao. Gaano ka man kahina, basta’t hindi mo itinatakwil ang pangalan ng Diyos, o tinatalikuran Siya nang ganito, lagi kang magkakaroon ng pagkakataong magtamo ng pagbabago sa disposisyon. Kung mayroon ka ng pagkakataong ito, may pag-asa kang mabuhay, at samakatuwid ay mailigtas ng Diyos. Kapag naunawaan natin kung ano ang pagbabago sa disposisyon, at kung anong uri ng mga proseso ang kinakailangan para dito, hindi tayo dapat na matakot, bagkus ay dapat na manampalataya, at magdasal sa harap ng Diyos: “O Diyos! Lubha akong tiwali. Ni hindi ko nga alam kung ano ang katotohanan, lalo na kung ano ang pagbabago sa disposisyon. Kailangang-kailangan ko ng pagliligtas Mo, at ng pagtulong at pagtustos Mo sa akin, nang sa gayon ay malaman ko kung paano unawain at isagawa ang Iyong mga salita, at magtamo ako ng kaalaman at karanasan mula sa mga iyon, at sa gayon ay madala ang Iyong mga salita sa aking buhay, at magkaroon ng kaliwanagan at patnubay Mo ang aking bawat salita at kilos, ang aking bawat galaw, ang lahat ng aking layunin, at ang lahat ng aking ginagawa. Inaasahan ko ito, kinasasabikan ko ito, pinananabikan kong magsabuhay ng normal na pagkato at tunay na wangis ng tao upang bigyang-lugod Ka. Ngunit hindi ko pa ito makakamit, sa sobrang laki pa rin ng aking katiwalian, mismong ako ay hindi ito mapagtanto. Pakiusap, ilantad, tulungan, at tustusan Mo ako. Ito ang kailangan ko ngayon.” Dapat kang magkaroon ng ganitong uri ng panalangin, at ganitong uri ng determinasyon. Matapos magdasal nang ganito, magbabago ang iyong puso at iyong buhay nang hindi mo man lamang nalalaman, dahil nasasalamin sa paraan ng iyong pagdarasal ang iyong determinasyon, at ang paraan ng pagtupad ng Diyos sa iyong determinasyon. Hindi pupuwede kung lagi kang natatakot sa pagkabigo, at, sa katunayan, pinatutunayan lamang ng pagkatakot bago pa may aktuwal na mangyari sa iyo na wala kang determinasyon at pananampalataya pagdating sa usapin ng pagbabago sa disposisyon. Una, kailangan mong maunawaang hindi nangyayari nang biglaan ang pagbabago sa disposisyon. Sa palagay ba ninyo ay lubhang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan nang biglaan? Hindi, nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa loob ng mga milenyo, lubusan nang nalantad ang kanilang satanikong kalikasan, at lumubha sa isang antas kung saan hindi na nila ito makontrol, at kung saan mahihigitan na lang ng mga likas na pagpapakita ng mga iyon ang kay Satanas. Umabot na sila sa antas ng pagiging kaaway ng Diyos, at sa punto kung saan wala na silang interes, nasusuklam, at namumuhi sila sa tuwing maririnig nilang ang isang bagay ay ang katotohanan, o ang salita ng Diyos, o mula sa Diyos. Ganoon katindi ang pagiging tiwali at manhid ng mga tao, kaya hindi madali para sa kanilang maunawaan ang katotohanan, lalo ang matamo ang pagbabago sa disposisyon. Ang pagbabago sa disposisyon ng isang tao ay hindi kasing simple ng pagbabago sa pag-uugali ng isang tao. Samakatuwid, kailangan nating magkaroon ng tamang pagkaunawa sa usaping ito ng pagbabago sa disposisyon, at harapin ito gamit ang tamang saloobin. Hindi tayo maaaring magpasasa sa labis-labis na mga pantasya at magsabing, “Sumasampalataya ako sa Diyos, at kumakain at umiinom ako ng Kanyang mga salita sa buong panahon. Hindi ba ako magbabago kung gagawa ang Diyos ng kaunti pang gawain, at gagawa ng ilang tanda at kababalaghan?” Isa itong hindi makatotohanang pananaw, at isa itong imahinasyon ng tao. Kung susundin natin ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, hindi na kakailanganin ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain ng paghatol, ni magpahayag ng napakaraming salitang naghahayag sa katiwalian ng sangkatauhan, lalo na ang subukin at pinuhin ang mga tao. Sabihin ninyo sa Akin, sa plano ng pamamahala ng Diyos, inililigtas ba Niya ang sangkatauhan upang matalo si Satanas, o nilalabanan Niya si Satanas upang mailigtas ang sangkatauhan? (Nilalabanan ng Diyos si Satanas upang mailigtas ang sangkatauhan.) Tama iyon. Kailangan tayong magkaroon ng tumpak na pagkaunawa sa plano ng pamamahala ng Diyos. Upang, sa hinaharap, hindi natin masabi ang katawa-tawang pahayag na: “Bakit ba hindi na lang puksain ng Diyos si Satanas?” Kung wala ang paggawang tiwali ni Satanas, magpapahayag ba ang Diyos ng napakaraming katotohanan upang iligtas tayo? Magtatamo ba tayo ng napakaraming katotohanan ngayon? Kung wala ang paggawang tiwali ni Satanas, hindi kailanman lilitaw ang plano ng pamamahala ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, hindi rin paplanuhin ng Diyos na gawing perpekto ang grupong ito ng mga tao sa mga huling araw upang maging ang mga taong mananatili. Nilalabanan ng Diyos si Satanas upang mailigtas ang sangkatauhan at makamit ang isang grupo ng mga tao. Masasabi ring naging tao ang Diyos upang labanan si Satanas alang-alang lamang sa paggawang perpekto sa ating grupo ng mga tao. Samakatuwid, nakita na natin ang kalooban ng Diyos, at ang layon at pinakadiwa ng Kanyang plano ng pamamahala ay magkamit ng isang grupo ng mga tunay na tao. Ito ang plano ng pamamahala ng Diyos. Kaya, makikita ninyo kung gaano kahalagang magtamo ng pagbabago sa disposisyon sa pananampalataya ng isang tao sa Diyos, at ganap na maging isang tunay na taong minamahal at hinihiling na makamit ng Diyos!

Mayroon ba kayong landas para sa pagtatamo ng pagbabago sa disposisyon? Alam ba ninyo kung anu-anong mga bagay ang magbabago? Karaniwan ba ninyong pinagbabahaginan ang tungkol sa aspetong ito ng katotohanan? Ngayon lamang, pinagbahaginan natin kung paanong hindi tinutukoy ng pagbabago sa disposisyon ang mga pagbabago sa panlabas na pag-uugali at pag-asal, o ang mga panuntunan, hindi rin nito tinutukoy ang mga pagbabago sa personalidad ng isang tao. Kaya, ano ba talaga ito? Kahit kailan ba ay napag-isipan na ninyo ito? Una, kailangan nating matuklasan at maunawaan kung aling mga disposisyon at bagay ang nais ng Diyos na baguhin natin. Ang pagbabago sa disposisyon ay hindi isang pagbabago sa pag-uugali o personalidad, lalong hindi isang pagbabago kung saan nagiging mas maalam o edukado ang mga tao; nais ng Diyos na baguhin ang mga kaisipan at pananaw ng bawat tao sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, at bigyang-daan silang maunawaan ang katotohanan, nang sa gayon ay makapagtamo sila ng isang pagbabago sa paraan ng pagtingin nila sa mga bagay-bagay. Isang aspeto lamang ito, samantalang ang isa pa ay baguhin ang mga prinsipyong pinagbabatayan ng pag-asal ng mga tao, na isang pagbabago sa kanilang pananaw sa buhay; ang isa pa ay baguhin ang malalim na nag-ugat na satanikong kalikasan at disposisyong nahahayag sa mga tao. Sa pangkalahatan, nasasaklawan ng pagbabago sa disposisyon ang tatlong aspetong ito.

Talakayin muna natin ang unang aspeto ng pagbabago sa disposisyon—ang paraan ng pagtingin ng mga tao sa mga bagay. Ang mga kaisipan at pananaw ng mga tao ay, partikular na, ang paraan ng pagtingin nila sa lahat ng bagay. Sa lubhang paggawang tiwali ni Satanas sa tao, marami sa mga kaisipan at pananaw na ito ay mali at katawa-tawa, at inililigtas ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng pagbabago muna sa paraan ng pagtingin nila sa mga bagay. Isa na lamang simpleng halimbawa: Ano ang inyong pagkaunawa sa kaalaman? Sa siyensiya? Ang kaalaman at siyensiya ba ang katotohanan? Malulutas ba ng mga iyon ang tiwaling disposisyon ng mga tao, at mabibigyang-daan silang magsabuhay ng wangis ng tao? Masasagip ba ng mga iyon ang mga tao mula sa impluwensiya ni Satanas? Maaakay ba ng mga iyon ang mga tao na kilalanin at sundin ang Diyos? Magdudulot ba ang mga iyon ng kaligtasan, at ng pagtatamo ng magandang destinasyon? Talagang hindi. Ano ba ang pakinabang ng kaalaman sa buhay ng isang tao? Ano ba ang madadala nito sa kanya? Iniisip ng ilang taong ang kaalaman ay isang mahalagang bagay sa mundong ito, at na kapag mas marami ang kaalaman nila, mas mataas ang kanilang katayuan at mas mahusay sila, mas kilala at may kultura, kaya hindi nila kakayanin nang walang kaalaman. Iniisip ng ilang tao na kung mag-aaral kang mabuti at pagyayamanin mo ang iyong kaalaman ay makukuha mo na ang lahat. Magkakaroon ka ng katayuan, pera, magandang trabaho at magandang kinabukasan; naniniwala silang kung walang kaalaman, imposibleng mabuhay sa mundong ito. Kung walang kaalaman ang isang tao, hinahamak siya ng lahat. Makararanas siya ng diskriminasyon, walang magnanais na makisama sa kanya; makapamumuhay lamang ang mga taong walang kaalaman sa pinaka-laylayan ng lipunan. Sa gayon ay sinasamba nila ang kaalaman, at itinuturing na napakatayog at napakahalaga nito—higit pang mahalaga kaysa sa katotohanan. Maaaring sabihin ng isang tao: “Kung walang kaalaman, mauunawaan ko ba ang mga salita ng Diyos? Hindi ba’t nangungusap din Siya sa pamamagitan ng kaalaman at mga salita?” Lubhang magkaiba ang dalawang bagay na ito. Ang kaalamang sinasabi Ko ngayon ay tumutukoy sa kasaysayan ng tao, heograpiya, politika, literatura, makabagong siyensiya at teknolohiya, o mga partikular na kasanayan o asignatura at iba pa. Iniisip ng mga taong bahagi itong lahat ng kalakasan ng sangkatauhan, at na nasa mga taong may kaalaman ang lahat at nakapaninindigan sila sa mundong ito, kung kaya’t itinuturing ng lahat ng tao na lubhang mahalaga ang kaalaman. Sa madaling salita, paano mo man ito tingnan, isa itong aspeto ng mga kaisipan at pananaw ng tao. May isang sinaunang kasabihang: “Magbasa ka ng sampung libong aklat, maglakbay ka ng sampung libong milya.” Ngunit ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito, habang mas nagbabasa ka, lalo kang nagiging maalam at maunlad. Tataas ang pagtingin sa iyo ng lahat ng grupo ng tao at magkakaroon ka ng katayuan. Lahat ng tao ay nagkikimkim ng ganitong mga uri ng mga kaisipan sa kanilang puso. Kung ang isang tao ay hindi makakukuha ng diploma sa kolehiyo dahil sa kapus-palad na kalagayan ng pamilya, buong buhay niya itong pagsisisihan, at magiging determinado siyang dapat na mas makapag-aral, makakuha ng titulo sa unibersidad, o makapag-aral pa nga sa ibang bansa ang kanyang mga anak at apo. Ito ang pananabik ng lahat sa kaalaman, at ang paraan ng kanilang pag-iisip, pagtingin, at pagharap dito. Samakatuwid, maraming magulang ang gugugol ng malaking pagsisikap o halaga upang arugain ang kanilang mga anak, aabot pa nga sa puntong lulustayin nila ang kayamanan ng pamilya, at lahat para lamang makapag-aral ang kanilang mga anak. At paano naman ang matinding pagsisikap ng ilang magulang sa pagdidisiplina sa kanilang mga anak? Tatlong oras lang ng tulog ang ipinahihintulot kada gabi, walang-tigil na sapilitang pag-aaral at pagbabasa, o pamimilit sa kanilang tularan ang mga sinaunang tao at pagtatali sa kanilang buhok sa kisame, ganap na pagkakait sa kanila ng tulog. Ang ganitong mga uri ng mga kuwento, ang malulungkot na pangyayaring ito, ay nangyayari na noon pang sinaunang panahon magpasahanggang ngayon, at ang mga ito ang mga bunga ng pananabik at pagsamba ng sangkatauhan sa kaalaman. Maaaring hindi kanais-nais ang mga salitang ito para sa inyo, dahil mayroong mga tao sa paligid ninyo na may kahanga-hangang kaalaman at mga akademikong kuwalipikasyon. Siyempre, hindi Ko sinasabing masama para sa inyo ang maging edukado, ngunit kailangan ninyong tratuhin nang tama ang bagay na ito. Ibig sabihin, kailangan ay magkaroon na kayo ngayon ng tamang paraan ng pagharap sa mga satanikong bagay, at tamang paraan upang maunawaan at makilala ang mga iyon. Hindi Ko kayo pinagbabawalang mag-aral, lalong hindi Ko kayo pinipigilang arugain ang inyong mga anak sa pamamagitan ng panghihikayat sa kanilang makakuha ng titulo at makakuha ng magandang trabaho. Hindi ito ang sinasabi Ko. Hindi Ko kayo nililimitahan. Sinasabi Ko lamang ang Aking opinyon, at inilalantad ang antas ng paggalang ng tiwaling sangkatauhan sa kaalaman. Anuman ang kasalukuyang antas ng iyong kaalaman, o gaano man kataas ang iyong mga titulo at akademikong kuwalipikasyon, ang sinasabi Ko ngayon ay tungkol sa mga pananaw ng sangkatauhan sa kaalaman at ang Aking mga pananaw sa kaalaman. Alam ba ninyo kung ano ang tingin ng Diyos sa kaalaman? Maaaring sabihin ng isang tao na ninanais ng Diyos na magkaroon ng maunlad na siyensiya ang sangkatauhan, at na makaunawa sila ng mas maraming siyentipikong kaalaman, dahil ayaw Niyang maging masyadong atrasado, walang-alam at di-nakauunawa ang tao. Tama ito, ngunit ginagamit ng Diyos ang mga bagay na ito upang gumawa ng serbisyo, at hindi sinasang-ayunan ang mga ito. Kahit gaano pa kamangha-mangha ang mga bagay na ito sa mga mata ng tao, ang mga ito ay hindi ang katotohanan ni panghalili para sa katotohanan, kaya naman ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan upang baguhin ang mga tao at ang kanilang mga disposisyon. Bagaman paminsan-minsan ay maaaring banggitin ng mga salita ng Diyos ang mga pananaw o paraan ng pagtingin sa kaalaman na tulad ng Confucianismo o siyensiyang panlipunan, kumakatawan lamang ang mga iyon sa gayong mga pananaw. Sa pagtukoy sa ipinahihiwatig ng mga salita ng Diyos, dapat nating makita na napopoot Siya sa kaalaman ng tao. Bukod sa naglalaman ang kaalaman ng tao ng mga simpleng pangungusap at simpleng doktrina, naglalaman din ito ng ilang kaisipan at pananaw, pati na ng kahangalan ng tao, masasamang palagay, at mga satanikong lason. May ilang kaalaman pa ngang nakalilinlang at nakagagawang tiwali sa mga tao—ito ang lason at tumor ni Satanas, at sa sandaling matanggap ng isang tao ang kaalamang ito at maunawaan ito, tutubo ang lason ni Satanas sa isang tumor sa kanyang puso. Kakalat ang tumor na ito sa buong katawan niya, tiyak na magdudulot ng kamatayan kung hindi siya mapagagaling ng mga salita ng Diyos at magagamot ng katotohanan. Kaya, habang mas maraming kaalaman ang nakakamit ng mga tao, mas marami ang nauunawaan nila, kung gayon ay mas malabo silang maniwala sa pag-iral ng Diyos. Sa halip, talagang tatanggihan at lalabanan nila Siya, dahil ang kaalaman ay isang bagay na kanilang nakikita at nahahawakan, at karamihan ay may kinalaman sa mga bagay na nasa mga buhay nila. Maaaring mag-aral ang mga tao at makakuha ng maraming kaalaman sa paaralan, ngunit bulag sila sa pinagmumulan ng kaalaman at sa kaugnayan nito sa espirituwal na mundo. Karamihan sa kaalamang natututuhan at nauunawaan ng mga tao ay sumasalungat sa katotohanan ng mga salita ng Diyos, partikular na ang pilosopikal na materyalismo at ebolusyon na nabibilang sa mga erehiya at maling paniniwala ng ateismo. Walang dudang sandamakmak na maling paniniwala ang mga ito na lumalaban sa Diyos. Ano ba ang makakamit mo kung magbabasa ka ng mga aklat ng kasaysayan, mga akda ng mga kilalang manunulat, o mga talambuhay ng mga dakilang tao, o marahil mag-aaral ka ng mga partikular na siyentipiko o teknolohikal na aspeto? Halimbawa, kung mag-aaral ka ng pisika, magiging dalubhasa ka sa ilang pisikal na prinsipyo, teoryang Newtonian o iba pang doktrina ngunit, kapag natutuhan at naisapuso, mapangingibabawan ng mga bagay na ito ang iyong puso at mapangingibabawan ang iyong pag-iisip. Kapag binasa mo ang mga salita ng Diyos pagkatapos, iisipin mo: “Bakit hindi binabanggit ng Diyos ang grabidad? Bakit hindi natatalakay ang kalawakan? Bakit hindi tinatalakay ng Diyos kung may atmospera ang buwan, o kung gaano karaming oxygen ang nasa mundo? Dapat ihayag ng Diyos ang mga bagay na ito, dahil ang mga ito ang mga bagay na kailangang-kailangang maipaalam at masabi sa sangkatauhan.” Kung nagkikimkim ka ng ganitong mga uri ng mga kaisipan sa iyong puso, ituturing mong pangalawa ang katotohanan at mga salita ng Diyos, sa halip ay ilalagay sa unahan ang lahat ng iyong kaalaman at mga teorya. Ganito mo tatratuhin ang salita ng Diyos. Sa paanuman, mabibigyan ng mga intelektuwal na bagay na ito ng maling ideya ang mga tao at magdudulot sa kanilang lumihis sa Diyos. Hindi mahalaga kung pinaniniwalaan ninyo ito o hindi, o kung kaya ninyo itong tanggapin ngayon—darating ang araw kung kailan aaminin ninyo ang katunayang ito. Talaga bang nauunawaan ninyo kung paano madadala ng kaalaman ang mga tao sa pagkawasak, sa impiyerno? Maaaring may ilang taong hindi handang tanggapin ito, dahil may ilang taong mataas ang pinag-aralan at malawak ang kaalaman sa paligid ninyo. Hindi Ako nanunuya sa inyo o nagpapakasarkastiko, nagsasabi lamang Ako ng totoo. Hindi Ko hinihiling sa inyong tanggapin ito dito at ngayon mismo, bagkus ay unti-unti kayong magkaroon ng pagkaunawa sa aspetong ito. Idinudulot sa iyo ng kaalamang gamitin ang iyong isip at talino upang suriin at harapin ang lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos. Magiging hadlang at balakid ito sa pagkilala mo sa Diyos at pagdanas mo sa gawain Niya, at magdudulot sa iyong lumihis at lumaban sa Diyos. Ngunit may kaalaman ka naman ngayon, kaya ano ang dapat mong gawin? Kailangan mong tukuyin ang pagkakaiba ng kaalamang praktikal sa kaalamang nanggagaling kay Satanas at nabibilang sa erehiya at maling paniniwala. Kung ateistiko, at katawa-tawang kaalaman lamang ang tinatanggap mo, mahahadlangan nito ang iyong pananampalataya sa Diyos, magagambala ang normal na kaugnayan mo sa Kanya at ang pagtanggap mo sa katotohanan, at makasasagabal sa pagpasok mo sa buhay. Kailangan mo itong malaman, dahil ito ay tama, at dapat ninyong maunawaan nang maayos ang paksang ito. Alam Kong mataas ang pinag-aralan ng ilang kapatid, at hindi Ko kayo inaatake, tinutuya, o ibinababa. Biglang nabanggit ang paksang ito ngayong araw, at kaunting salita lamang ang mga ito upang magbabala sa inyo, hindi upang sadayang bigyan ng problema ang mga may matataas na akademikong kuwalipikasyon o may kaunting kaalaman at kultura sa inyo. Hindi ito upang maging negatibo o malumbay kayo, hindi talaga iyon ang layon. Kung gayon, kaya ba ninyo itong unawain nang maayos? (Oo, kaya namin.) Kung kaya ninyo, magaan na ang kalooban Ko, at medyo makahihinga na Ako nang mas maluwag.

Matapos magbahagi nang ganito karami, nakikita na ninyo ngayon na ang pagtatamo ng pagbabago sa disposisyon ay hindi isang simpleng bagay. Hindi ito isang bagay na natatamo sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa mga doktrina at pagsunod sa mga panuntunan. Kailangan mo munang maunawaan ang iyong sarili, mapagnilayan ang iyong mga kaisipan at pananaw, at masuri kung alin sa mga bagay na umiiral sa iyong puso ang tumatanggi at lumalaban sa Diyos, pati na ang mga bagay na kinapopootan at kinasusuklaman ng Diyos. Mayroon ka ba talagang anumang pagkaunawa sa sarili mong satanikong kalikasan, o sa iba’t ibang satanikong disposisyong kadalasan mong inihahayag? Nasusuri mo ba talaga ang mga iyon? Ang lahat ng tiwaling tao ay may mga satanikong disposisyon, at lahat ay may malalalim na nag-ugat na maling kaisipan at ideya. Pare-pareho ang lahat, na may ilang katiwalian sa loob nila na salungat sa katotohanan at mapanlaban sa Diyos. Wala sa mga ito ang katugma ng katotohanan, at kaya itong tanggapin ng karamihan sa mga tao. Katatapos Ko lang talakayin kung paano uunawain ang kaalaman ng tao, at kung bakit sinasabi Kong marami sa mga ito ay kalokohan at mali. Maaaring mailang ang ilan sa inyo kapag narinig ninyo ito, na para bang natamaan kayo kung saan masakit, ngunit kailangan itong masabi. Marami sa mga maling pananaw ninyo ang mula sa kaalaman, at lumilikha ang hindi tama at kata-tawang kaalamang ito ng mga maling kaisipan at pananaw, na malalim na nag-uugat sa inyong mga puso. Kung hindi ninyo lulutasin ang mga maling pananaw na ito, mahihirapan kayong tanggapin ang katotohanan, lalo na ang isagawa ito. Samakatuwid, umaasa Ako na matatanggap ninyo ang mga salita ng Diyos, at ang lahat ng katotohanang Kanyang ipinapahayag. Kahit na ayaw mo, dapat mo pa ring matutuhan, at subukang tanggapin ito. Sa ganitong paraan mas mapapalapit ang inyong mga puso sa Diyos, at mas mapapalapit kayo sa mga hinihingi Niya. Kung hindi ninyo praktikal na daranasin nang ganito ang mga salita ng Diyos, isasagawa ang katotohanan, laging magiging sa salita lamang ang inyong pananampalataya sa Diyos, at magiging imposibleng makapasok kayo sa katotohanang realidad. Hindi ba’t ganito ito? Ngayong araw ay nakapagtalakay Ako nang kaunting tungol sa kaalaman, na maaaring nakaasiwa sa inyo. Kung naiilang nga kayo, ikinalulungkot Ko, ngunit kailangan ninyong harapin ang mga realidad na ito dahil hindi maiiwasan ang mga ito. Kung iiwasan mo ang mga ito, kailan mo malalaman kung aling mga bagay sa iyong mga kaisipan at pananaw ang tama at alin ang mali? Hindi mo malalaman. Isang araw ay kakailanganin mong harapin ang mga katunayang ito; tulad ng sinasabi ng mga hindi mananampalataya: “Ang masaklap na katotohanan ay mabubunyag din sa huli.” Ngayong sumasampalataya ka na sa Diyos, kung nais mong tanggapin ang Kanyang pagkastigo at paghatol, kung nais mong magkaroon ng pagpasok sa buhay, magtamo ng pagbabago sa disposisyon at maligtas, kailangan mong harapin ang mga katunayang ito, matutuhan ang iyong mga aral, at tiisin ang ilang paghihirap at pagdurusa. Nais mong magdasal sa Diyos sa iyong puso ngunit wala kang tamang mga salita, kaya hindi ka makapagsalita, at sa susunod na pagkakataong maharap ka sa gayong bagay ay maiilang ka na naman sa loob ng ilang araw, at hindi na naman makapagsasalita, ngunit sa susunod na pagkakataong maharap ka rito, wala sa loob na matutuklasan mong may ilang bagay talaga sa iyong mga kaisipan at pananaw na lumalaban sa Diyos; magagawa mong tumango at aminin—tapat at seryosong aminin—na totoo ang lahat ng sinabi ng Diyos, walang anumang kasinungalingan, at na tunay na ang Diyos ang pinakamabuting nakakikilala sa sangkatauhan, at pinakamabuting nakauunawa sa mga bagay na umiiral sa puso ng lahat ng tao. Darating ang araw na magkakaroon ka na ng ganitong antas ng karanasan, at pagkatapos ay mapupunta ka na sa tamang landas ng pagsampalataya sa Diyos, at sa tamang landas ng pagbabago sa iyong buhay disposisyon. Sa panahong iyon, dahil hindi ka na sasalungat sa bawat salitang sinasabi ng Diyos, hindi ka na maiilang kapag narinig mo ang mga iyon, at matatanggap mo na ang bawat katunayang inihahayag ng Diyos nang walang pagkasuklam, at nang hindi tumatakas. Haharapin mo ito nang maayos, at patutunayan nitong nakapasok ka na sa salita ng Diyos. Ngayon ay nakagawa lamang tayo ng munting simula, nakapagsagawa ng munting eksperimento. Maaaring medyo nailang kayo, medyo naasiwa, ngunit hindi mahalaga iyon. Ayos lang iyon sa Akin, at sana sa inyo rin, dahil mas malupit pa sa mga ito ang mga salita ng paghatol ng Diyos. Kung gusto talaga kayong hatulan ng Diyos, mas magiging mabagsik pa ang Kanyang mga salita. Sa palagay ba ninyo ay magsasalita nang malumanay ang Diyos kapag nakikita Niya ang isang tiwaling sangkatauhang walang normal na pagkatao, wala sa katwiran, mulat na mulat ang mga mata subalit tumatanggi, kumukondena, at lumalaban pa rin sa Diyos? Magiging maganda kaya ang saloobin ng Diyos kapag inilalantad ang tao? Siyempre, hindi. Tiyak na magiging medyo mabagsik, malaman, at tuwiran ang mga salita ng Diyos! Kung kaya ninyong tanggapin ang kaunting katunayang pinagbahaginan natin ngayon, pinatutunayan nitong maganda ang naging simula ninyo sa pagtanggap sa salita ng Diyos at sa Kanyang pagkastigo at paghatol. Sa unang aspetong ito, napag-usapan natin ang problema sa mga kaisipan at pananaw, kasama ang kaunting halimbawa na alam naman ninyong lahat, na sumusuri sa paksa ng kaalaman. Hindi Ako masyadong nagbahagi tungkol sa paksang ito sa pangambang maiilang dito ang ilang tao, kaya kaunti lamang ang binigkas Ko bilang pagsasaalang-alang sa kanilang mga damdamin, bagaman hindi perpekto at maikli. Sana ay unti-unti ninyo itong malaman sa pamamagitan ng inyong karanasan, dahan-dahang mahanap ang katotohanan sa aspetong ito, at maranasan kung ano ang maidudulot ng kaalaman sa mga tao. Marahil ay mas pagbabahaginan natin ang paksang ito sa hinaharap, at sana ay hindi na kayo mailang sa pagkakataong iyon, at hindi mag-isip na, “Laban ba ito sa akin? Patungkol ba ito sa akin?” Wala ng mga kaisipan at ideyang iyon. Ngunit sa ngayon, tatapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan tungkol sa unang aspeto.

Ngayon ay pagbabahaginan naman natin ang ikalawang aspeto ng pagbabago sa disposisyon—ang pananaw sa buhay. Ano ang pananaw ninyo sa buhay? Anu-ano ang mga prinsipyo ng inyong pamumuhay. Mayroon ba kayong anumang pagkaunawa? Mayroon man lang bang anumang prinsipyo? May anumang ideya ba kayo? Ibig sabihin, anong uri ng tao ang gusto mong maging? Ano ang pananaw mo sa buhay, ang direksyon ng buhay mo? (Maging isang taong nais ng Diyos.) (Sundin ang Diyos hanggang sa huli sa buong buhay ko.) (Makilala ang Diyos.) (Matakasan ang aking tiwaling disposisyon at mailigtas ng Diyos.) Mahusay ang lahat ng nasabi ninyo, at nagpapatunay na abalang-abala ang puso ninyong lahat sa paghahangad sa katotohanan at determinado kayong sumunod sa Diyos upang magtamo ng katotohanan, at tama ang mithiin at direksyon ng inyong asal, na nagpapakitang, sa inyong pananampalataya sa Diyos, hindi hungkag ang inyong puso at hindi kayo nagsasayang lang ng oras. Nakausad na kayo nang kaunti sa loob ng panahong ito, at ito ay pagbabago; kahit papaano, hindi ninyo sasabihin, gaya ng mga hindi mananampalataya na, “Ang buhay ay tungkol lamang sa pagkain at pagbibihis.” Kung makaririnig kayo ng isang taong magsasabi ng gayong mga bagay, kaiinisan, at kasusuklaman at tatanggihan ninyo siya. Kahit gaano na kayo kalayong nakapasok sa katotohanan, dapat kayong magkaroon ng determinasyong sumunod sa Diyos nang mabuti. Dapat ninyong malaman sa inyong mga pusong, “Yamang inihayag ng Diyos sa amin ang mga mithiin at misteryo ng Kanyang plano ng pamamahala, at ang Kanyang layuning iligtas ang sangkatauhan, at yamang nakita na namin ang Kanyang mga pangako at pagpapala, kung mananatili kaming walang ginagawa at walang konsiderasyon sa kalooban ng Diyos, talagang mabibigo namin Siya at labis na magkakautang sa Kanya!” Pinatutunayan ng pagkakaroon ng ganitong uri ng puso na nagising at nagsimula nang magbago ang inyong mga espiritu. Anu’t ano man, batay sa inyong mga pagsisikap na gampanan ang inyong tungkulin, nagsisikap kayong lahat tungo sa direksyon at mga mithiing hinihingi ng Diyos, at tama ito. Anuman ang mga pagkakaiba sa inyong mga perspektiba sa paghahangad, ang lahat ng iyon ay medyo praktikal at hindi kathang-isip o hungkag. Sa palagay ba ninyo ay dapat tayong magkaroon ng pananaw ng paghahangad na maging taong tunay na sumusunod at sumasamba sa Diyos? Hindi ba’t dapat tayong magkaroon ng pananaw sa buhay kung saan hindi na tayo lumalaban sa Diyos, hindi na nagtutulak sa Kanyang mamuhi o magalit sa atin, na laging magalit, bagkus ay kung saan napagagaan ang puso ng Diyos, at tulad ni Abraham, tayo ay mga tunay mananamba? Ito ang pananaw sa buhay na dapat taglayin ng mga tao. Kapag nag-ugat na sa iyong puso ang ganitong uri ng pananaw sa buhay at ang ganitong mga uri ng kaisipan, at naghangad ka sa direksyong ito, hindi ba’t mababawasan ang tukso at pang-aakit ng makamundong kayamanan, katayuan, katanyagan at pakinabang? Kapag nagsikap, nagsagawa, at nagdanas ka sa direksyong ito, hindi mo man lang mamamalayan, ang mga salita ng Diyos ay magiging sawikain mo para sa buhay sa iyong puso, at pundasyon ng iyong pag-iral; bago mo pa mamalayan, magiging buhay mo na ang mga salita ng Diyos, magiging landas mo sa buhay sa kaibuturan mo. Sa panahong iyon, hindi ba’t hindi na talaga magiging mahalaga sa iyo ang lahat ng bagay sa mundo? Samakatuwid, mahalaga rin kung ano ang iyong pananaw sa buhay. Sa ano’ng direksyon ka ba naghahangad, sa iyong pananampalataya sa Diyos? Ito ba ang tamang direksyon? Ito ba ang tamang landas? Gaano ka kalayo sa mga hinihingi ng Diyos? Kung naghahangad ka batay sa mga hinihingi ng Diyos, papunta ka sa tamang direksyon. Hindi mahalaga kung medyo maligaw ka, o medyo mahina ka, o magkaroon ka ng ilang kabiguan; hindi ito maaalala ng Diyos, at lagi ka Niyang susuportahan hanggang sa lumago ang buhay mo. Sa palagay mo, anong uri ng tao ang nais ng Diyos? Nais ng Diyos ng mga taong naghahangad sa katotohanan, determinado, at matapat. Hindi Niya inaalala ang iyong kawalang-alam, kahinaan, o kawalan ng karunungan; ngunit namumuhi Siya kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, o kung nauunawaan mo ang katotohanan ngunit hindi mo ito isinasagawa, o kung nabubuhay ka nang hindi nagbabasa ng Kanyang mga salita, na parang hayop na walang kaluluwa, na walang mithiin o direksyon para sa iyong buhay—napopoot ang Diyos kung ganito ang saloobin mo sa pagsampalataya sa Kanya. Samakatuwid, upang magtamo ng pagbabago sa disposisyon sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos, napakahalaga ng kalidad ng pananaw sa buhay. Sinasabi ng ilang tao, “Ang mithiin ko sa buhay ay maging isang taong malaki ang pakinabang sa Diyos, isang taong kayang maglingkod sa Kanya.” Maganda ba ang paghahangad na ito? Maaaring maganda ito, ngunit limitado lamang ang tayog ng tao at iba-iba ang mga katangian at kondisyon ng mga tao, kaya tama ang paghahangad mo sa mithiing ito, ngunit maaaring hindi ito angkop para sa iyo. Ang dapat na pananaw sa buhay ng mga tao ay maging taong may katotohanan, pagkatao, konsiyensiya, at katwiran, na sumasamba sa Diyos—ibig sabihin, isang tunay na tao. Ito ang pinakawastong paghahangad. Maaaring sabihin ng isang tao: “Hindi ba kami tunay na tao ngayon?” Sa panlabas ay ganoon kayo, dahil may mga ilong at mata kayo, at anyo ng tao, ngunit batay sa inyong diwa, hindi pa rin kayo nagiging tunay na tao. Napakarami pa ring wala sa inyo at napakakaunti ng mga katotohanang nauunawaan ninyo. Para maging tunay na tao, taong nagtataglay ng katotohanan at may pagkatao, taong natatakot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, na sumusunod sa Kanyang kalooban at sumasaba sa Kanya, kailangan ninyong hangarin at tamuhin ang katotohanan. Isa itong usapin ng personal na pagsasagawa.

Ang ikatlong aspeto ng pagbabago sa disposisyon ay ang satanikong kalikasan ng isang tao. Ito ang pinakakailangan nating maunawaan at maintindihan, dahil ito ang pinakamahalagang aspetong nauugnay sa pagbabago sa disposisyon. Ang satanikong kalikasan ay ang tiwaling disposisyon at tiwaling diwa ng sangkatauhan, at binubuo ng paksang ito ang marami sa mga salita ng Diyos na pinakanaglalantad sa aspetong ito. Ang mga salita rin ng Diyos tungkol sa aspetong ito ang pinakamahigpit, na maraming iba’t ibang estilo: Ang ilan ay tuwirang naglalantad at humahatol, habang ang iba ay nakahahanap ng mas maingat na pananalita upang maiwasang hindi ito matanggap ng mga tao. Ngunit paano man ito sabihin, o anumang estilo o tono ang gamitin, totoo na ang inihahayag ng Diyos ay ang diwa ng tao. Inihahayag ng Diyos ang pinakakaraniwang aspeto ng satanikong kalikasan sa dalawang kabanata. Ano ang karaniwang diwa ng satanikong kalikasan? Alam ba ninyo? (Isang taksil na kalikasan.) Ang taksil na kalikasang inihayag sa mga salita ng Diyos na “Isang Napakabigat na Problema: Pagtataksil (1)” at “Isang Napakabigat na Problema: Pagtataksil (2)” ang karaniwang representasyon ng satanikong kalikasan. Ang ibang aspetong tulad ng pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, pagmamataas, at panlilinlang ng sangkatauhan, o ang kasamaan at paglaban ng sangkatauhan—ang lahat ng ito ay nababanggit nang kaunti sa bawat kabanata, ngunit hindi partikular na naipaliliwanag ang katotohanan ng mga aspetong ito sa ni isang kabanata. Sa paksa lamang ng “pagtataksil” bumigkas ang Diyos ng dalawang buong kabanata. Mula rito ay makikita nating sa mga mata ng Diyos, napakalubha ng pagtataksil ng tao, at na tuwiran nitong nalalabag ang Kanyang disposisyon, at ito ang pinakakinapopootan Niya, at ang isinusumpa Niya. Paano ba sinusuri at iwinawasto ng Diyos ang diwa ng pagtataksil ng tao? Siyempre, ayaw ng Diyos ng pagtataksil ng tao. Kinasusuklaman at kinamumuhian Niya ito, at kinamumuhian ang mga taong nagtataksil sa Kanya. Ang pagtataksil ang perpektong halimbawa ng satanikong kalikasan. Saan ba nagmumula ang pinakaugat ng kalikasan ng pagtataksil ng tao? Nagmumula ito kay Satanas. Samakatuwid, kailangan nating maunawaan ang aspetong ito ng disposisyon. Si Satanas ang pinakaugat ng pagtataksil, pagtataksil ang kalikasan ni Satanas, at ang disposisyong ihinahayag ng mga tao sa pamamagitan ng mga bagay na kanilang ginagawa ay itinuturing ng Diyos na pagtataksil. Bakit ba gayon kadetalyadong tinatalakay ng Diyos ang usaping ito? Ito ay dahil laging nangyayari ang pagtataksil ng tao, sa anumang lugar o oras at, paano man umasal ang isang tao, may kung ano’ng bagay na malalim na nag-ugat sa kalikasan ng tao ang lumalaban sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao: “Ayaw kong sumalungat o lumaban sa Diyos!” Ngunit gagawin mo iyon, dahil sa kaibuturan mo ay may isang taksil na kalikasan, na nangangahulugang hindi mo kayang sundin ang Diyos, sundan Siya hanggang sa huli, at ganap na tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang iyong buhay. Paano mo dapat maunawaan ang problema ng pagtataksil? Kahit gaano katagal ka nang sumampalataya sa Diyos, o kahit gaano na karami sa Kanyang mga salita ang nakain at nainom mo, o kahit gaano na kalalim ang pagkaunawa mo sa Kanya—hangga’t nagtataksil ang iyong kalikasan sa Diyos, at hindi mo natatanggap ang Kanyang mga salita bilang iyong buhay, at wala kang pagpasok sa katotohanan ng Kanyang mga salita, habambuhay na magtataksil ang iyong diwa sa Diyos. Na ang ibig sabihin, kung hindi nagbago ang iyong disposisyon, isa kang taong nagtataksil sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao: “Kaya kong intindihin ang mga salita ng Diyos, at unawain ang lahat ng bagay na Kanyang sinasabi. Handa rin akong tanggapin ang mga iyon, kaya paano ako matatawag na isang taong nagtataksil sa Diyos?” Dahil lamang sa handa kang tumanggap ay hindi nangangahulugang nakapagsasabuhay ka na ng mga salita ng Diyos, lalong hindi na nagawa ka nang ganap ng mga iyon. Malalim ang katotohanan ng taksil na kalikasan ng sangkatauhan, at kung nais ninyong maunawaan ang aspetong ito ng katotohanan, maaaring kailanganin ninyo ng isang panahon ng karanasan. Sa mga mata ng Diyos, ang lahat ng bagay na ginagawa ng bawat taong sumasampalataya sa Diyos ay salungat sa katotohanan, di-katugma ng salita ng Diyos, at mapanlaban sa Kanya. Maaaring hindi rin ninyo ito matanggap, at masabing: “Pinaglilingkuran namin ang Diyos, sinasamba ang Diyos, ginagawa ang aming tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Napakarami na naming nagawa, alinsunod na lahat sa mga salita at hinihingi ng Diyos, at naaayon sa mga pagsasaayos ng gawain. Paano masasabing nilalabanan at pinagtataksilan namin ang Diyos? Bakit ba lagi Mo na lang pinahihina ang aming kasiglahan? Buong hirap naming iniwanan ang aming pamilya at mga karera, at determinado kaming sumunod sa Diyos, kaya paano Mo ito nasasabi tungkol sa amin?” Ang layon ng pagsasalita nang gayon ay masigurong nauunawaan ng lahat: Hindi totoo na babaguhin ng isang taong medyo maganda ang asal, o nagsusuko sa isang bagay, o dumaranas ng ilang paghihirap ang kanyang taksil na kalikasan. Imposible! Mahalaga ang pagdurusa, gayundin ang pagganap sa iyong tungklin, ngunit hindi nangangahulugang mawawala na ang iyong tiwaling disposisyon dahil lamang kaya mong magdusa o gumanap ng tungkulin. Ito ay dahil hindi nagkaroon ng tunay na pagbabago sa buhay disposisyon sa kaibuturan ninuman, at malayo pa rin ang lahat sa pagbibigay-lugod sa kalooban ng Diyos at pagtupad sa Kanyang mga hinihingi. Masyadong kontaminado ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos, masyadong nahahayag ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Bagaman maraming lider o manggagawa ang naglilingkod sa Diyos, lumalaban din sila sa Kanya. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin ay sadya silang sumasalungat sa mga salita ng Diyos at hindi nagsasagawa ayon sa Kanyang kalooban. Sadya nilang nilalabag ang katotohanan, ipinagpipilitang kumilos ayon sa sarili nilang kalooban, upang matupad ang sarili nilang mga intensyon at layon, upang pagtaksilan ang Diyos at itatag ang sarili nilang nagsasariling kaharian, kung saan ang sinasabi nila ang nasusunod. Ito ang ibig sabihin ng paglilingkod sa Diyos subalit paglaban din sa Kanya. Nauunawaan na ba ninyo ito ngayon?

Huwag na nating pagbahaginan pa ang tungkol sa “pagtataksil” ngayon. Mayroon pa ring napakahalagang problema, ito ang pagmamataas at labis na pagtingin sa sarili na karaniwan sa satanikong kalikasan. Ang pagmamataas ng sangkatauhan ay nahahayag at nakikita kung saan-saan, at hindi mapipigilan kahit pa gustuhin nila. Nahahayag at sumasambulat ito paminsan-minsan, at walang magagawa ang mga tao tungkol dito. Pagkatapos nitong sumambulat, pagsisisihan nila ito, at pagkatapos itong pagsisihan, matatag nilang pagpapasyahang kailanman ay hindi na ito hahayaang mangyari muli, kailanman ay hindi na ito ihahayag muli, ngunit hindi pa rin nila ito makokontrol. Bakit ganito? Ito ay dahil hindi nagbago ang disposisyon ng mga tao, at nariyan pa rin ang kanilang tiwaling disposisyon. Hinding-hindi ito kusa na lamang mawawala sa loob nila, at kapag may nangyari, likas na mahahayag ang kanilang tiwaling disposisyon. Ang lahat ng ito ay dulot ng mapagmataas at may labis na pagtingin sa sariling disposisyon ng sangkatauhan. Kapag mas marami sa katotohanan ang nauunawaan mo, naisasagawa mo ito at naiintindihan ang mga katotohanang prinsipyo, at kapag lalo pang nagiging praktikal ang iyong pagkaunawa sa katotohanan, at may kaalaman ka sa Diyos at mas malapit sa Kanyang mga hinihingi, kapag nagbago na ang mga pananaw mo sa mga bagay—unti-unting mababawasan, dahan-dahang maglalaho ang iyong mapagmataas na disposisyon, at magsisimulang magbago ang iyong disposisyon sa buhay. Sa panahong iyon, maituturing nang ganap na nalutas ang problema ng iyong pagtataksil, at saka ka lamang magiging isang taong tunay nang nailigtas.

Taglagas, 2007

Sinundan: Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat

Sumunod: Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Kontakin Kami Gamit ang Messenger