Ang Kahalagahan ng Paghahangad sa Katotohanan at ang Landas ng Paghahangad Nito
Ngayon-ngayon lang, ibinahagi ng kapatid ang tungkol sa paksa ng paghahangad sa katotohanan. Matapos magbahaginan nang ganito karami, nararamdaman ba ninyo kung paanong ang paghahangad sa katotohanan ang pinakamahalagang bagay, at kung nananalig ka sa Diyos pero hindi mo naman hinahangad ang katotohanan, wala kang anumang matatamo? Marahil ngayon handa na ang ilan sa inyo, at nagpasya nang masigasig na hangarin ang katotohanan, na pagsikapang tamuhin ang salita ng Diyos, at pagpunyagihang mas maunawaan ang katotohanan at mas isagawa ito. Ito ba ang tamang mentalidad? Siyempre naman. Kung pagkatapos na magbahaginan nang gayon karami, wala pa rin kayong karea-reaksyon, kung gayon, hindi iyon normal, at mawawalan ng kabuluhan ang mga salitang ito. Ang katotohanan ang pinakamahalagang bagay sa lahat ng taos-pusong nananalig sa Diyos at nananabik sa Kanyang pagpapakita at sa lahat ng nagmamahal sa katotohanan at umaasang matatamo ang pagliligtas ng Diyos sa mga huling araw. Mas mahalaga ang paghahangad sa katotohanan kaysa sa anupamang bagay: Mas mahalaga pa ito kaysa sa ating mga trabaho, sa ating buhay, o sa mga inaasam-asam ng ating laman. Kinikilala na ba ninyo ngayon ang kahalagahan ng paghahangad sa katotohanan? Walang dudang nakakaranas kayo ng ilang partikular na damdamin sa inyong mga puso, kinikilala na ang paghahangad sa katotohanan ang pinakamahalagang bagay sa inyong mga buhay—isang panghabambuhay na pangyayari para sa bawat isa sa inyo, sabi nga. Matapos makinig sa napakaraming pagbabahagi, maaaring ang bawat isa sa inyo ngayon ay may gayong pundasyon na sa inyong mga puso, gayong kaalaman, damdamin, at pagtanto. Tama at tumpak ang ganitong mga kaalaman at damdamin, at pinatutunayan ng mga ito na ang mga naunawaan ninyo ay ganap na alinsunod sa salita ng Diyos, sa kung ano ang gagawin Niya sa bawat isa sa inyo, at sa Kanyang mga layunin.
Nananalig sa Diyos ang karamihan sa mga tao alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala. Kahit nakakaunawa pa sila ng kaunting katotohanan, hindi nila maalis ang pagnanais nilang tumanggap ng mga pagpapala. Ano ang saloobin ng tao patungkol sa katotohanan? Sa kanilang puso, tutol sa katotohanan ang karamihan sa mga tao at wala nga silang pakialam tungkol dito. Dahil hindi nakikilala ng tao ang katotohanan. Hindi niya nauunawaan kung ano ba ang katotohanan, lalo namang hindi niya alam kung saan galing ito, kung bakit kailangan niya itong hangarin, kung bakit kailangan niya itong tanggapin, kung bakit kailangan niya itong isagawa, o kung bakit nagpapahayag ang Diyos ng napakarami nito. Bago sa pandinig ng bawat tao ang lahat ng katanungang ito, at hindi nila kailanman isinaalang-alang ang mga ito, ni hindi sila kailanman nalantad sa mga ito. Ngayong ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw at nagpahayag ng maraming salita, nakakaharap natin ang maraming bagay-bagay na may kinalaman sa bawat aspekto ng katotohanan ukol sa landas ng pagsampalataya sa Diyos. Hindi ito malalabasan nang hindi hinahanap ang katotohanan, kaya kailangan natin ng pagkaunawa sa katotohanan at dapat nating basahin ang mga salita ng Diyos nang isinasaalang-alang ang realidad. Ang bawat pangungusap sa salita ng Diyos ay katotohanan, at kailangang personal itong maranasan ng isang tao para maunawaan niya ito. Dahil mula nang ipanganak hanggang sa hustong gulang, hanggang sa magkatrabaho, mag-asawa at magkaroon ng karera, ang lahat ng nasa kapaligiran kung saan namumuhay ang isang tao—kasama na ang mga tao, pangyayari, at bagay-bagay na nakakasalamuha niya at ang lahat ng bagay na nangyayari sa paligid niya—ay totoong nauugnay sa katotohanan, pero wala ni isang tao ang nakakakita sa mga bagay na ito kung pag-uusapan ay katotohanan. Iyon ang dahilan kung bakit nasabing hindi nakikilala ng lahat ang katotohanan. Walang kahit isang tao sa buong sangkatauhan ang nakakaunawa sa katotohanan, kaya kailangan na ninyong harapin, tanggapin, at hangarin ang katotohanan magmula ngayon. Kinakailangan ito. Kung hindi mo pa nauunawaan na kinakailangang hangarin ang katotohanan sa pananalig sa Diyos, at na tanging ang katotohanan ang makapagpapabago sa iyo, makapeperpekto sa iyo, makapagdadala sa iyo ng kaligtasan, at tunay na makapaglalapit sa iyo sa Diyos—kung hindi mo mauunawaan ang mga bagay na ito, hindi ka magkakainteres sa katotohanan, hindi mo magagawang hangarin ito, at mawawala ang iyong kasiglahan kalaunan. Sinasabi ng ilang tao na, “Sa pagsampalataya sa Diyos sapat nang mamuhay ng buhay-iglesia at gawin ang tungkulin ng isang tao, kaya bakit kailangan pa rin naming hangarin ang katotohanan? Hindi kami gumagawa ng masama, ni hindi kami sumusunod sa iba, lalong hindi kami sumusunod sa mga huwad na lider o anticristo sa paglaban sa Diyos. Nauunawaan naming lahat ang ilang doktrina tungkol sa pananalig sa Diyos at kaya naming itaguyod ang aming pananampalataya sa Diyos hanggang sa huli, kaya hindi na namin kailangang unawain ang mas malalalim na katotohanan.” Tama ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil tanging kapag natamo na ng mga tao ang katotohanan saka lamang sila maililigtas ng Diyos.) Tama iyon. Sa kanilang puso, medyo may kabatiran na ang ilang tao tungkol sa kahalagahan ng katotohanan sa kaligtasan ng sangkatauhan. Maaaring malayo pa ring makita nila nang malinaw ang halaga at kabuluhan na maisabuhay ng tao ang katotohanan, pero napakahalaga ng damdamin at kabatirang ito sa kanilang puso. Ang susi ay kung makapag-uugat ba sa puso ng mga tao ang damdamin at kabatirang ito, at nakadepende iyon sa mga hahangarin ng mga tao sa hinaharap. Isang mabuting bagay na mayroon ka na ng ganitong kabatiran ngayon. Nakapagbibigay ito ng pag-asa na makalalakad ka sa daan tungo sa kaligtasan. Mahalaga talaga ang paghahangad sa katotohanan. Halimbawa, kapag negatibo at mahina ka, maaari ka bang maging malakas nang walang suporta at pagtutustos ng katotohanan? Kaya mo bang pagtagumpayan ang mga kahinaan mo? Kaya mo bang kilalanin at himaying mabuti kung ano ang nakapagpapahina o nakapagpapanegatibo sa iyo? Tiyak na hindi! Kapag pabaya ka sa pagganap mo ng iyong mga tungkulin, maaayos mo ba ang tiwaling disposisyong ito kung hindi mo hinahangad ang katotohanan? Makakamit mo ba ang pagkamatapat sa Diyos sa pagganap mo ng iyong mga tungkulin? Makikilala ba ng tao ang kanyang sarili at maaayos ba niya ang sarili niyang katiwalian at sarili niyang kayabangan nang hindi hinahanap ang katotohanan? Palaging may mga kuru-kuro ang tao tungkol sa Diyos at lagi niyang sinusukat ang Diyos ayon sa sarili niyang mga kuru-kuro at imahinasyon. Maaayos ba ito kung wala ang katotohanan? Hindi. Marami tayong kailangang desisyunang mga bagay-bagay na nangyayari sa ating buhay. Kung hindi natin nauunawaan ang katotohanan, kung hindi natin alam kung ano ang mga layunin ng Diyos at kung ano ang hinihingi Niya sa atin, wala tayong landas sa pagsasagawa. Ibubunyag tuloy natin ang mga tiwali nating disposisyon, at madali tayong magkakamali at tatahak sa maling landas. Maaayos ba ang pag-iral ng tiwaling disposisyon ng tao sa pamamagitan ng mga salita at doktrina na nauunawaan niya? Kung hindi mo hinahanap ang katotohanan, masasabi ng isang tao na walang anumang prinsipyo sa anumang bagay na ginagawa mo sa buhay, walang mga landas na susundan, at walang mga minimithi o direksyon. Kung ganito ang kaso, ang lahat ng ginagawa ninyo ay taliwas sa mga katotohanang prinsipyo, isang palatandaan ng paglaban sa Diyos at isang pagtataksil sa Kanya, at ang mga kilos ninyo ay kapopootan at susumpain ng Diyos. Kung namumuhay kayo ayon sa mga tiwali ninyong disposisyon, walang kahit isa sa inyo ang maliligtas maliban kung tatanggapin ninyo ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Samakatuwid, bago tunay na maunawaan ang katotohanan, kailangan munang humarap ang lahat sa ilang paghatol at pagkastigo, sa ilang pagtutuwid at disiplina. Ang lahat ng ito ay para sa layuning matamo ng mga tao ang katotohanan at maiwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon.
Bagama’t nauunawaan ninyo ang ilan sa mga doktrina ukol sa pananalig sa Diyos, madalas kayong nalilito kapag nararanasan ang lahat ng bagay. Hindi ninyo malaman ang gagawin at hindi ninyo maarok ang mga layunin ng Diyos, hindi ninyo alam kung ano ang isasagawa, at kahit gaano pang pag-aalala hindi kayo makahanap ng solusyon. Gusto ninyong makipagbahaginan pero hindi ninyo alam kung ano ba ang problema, gusto ninyong maghanap ng mga kasagutan sa salita ng Diyos, pero ang salita Niya ay walang-hanggan at wala kang anumang layon. Hindi ba’t madalas na ganito? Palatandaan ito na hindi alam ng mga bagong mananampalataya kung paano hahanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay. Samakatuwid, ang karamihan sa mga katanungang itinatanong ninyo sa mga pagtitipon ay walang kaugnayan sa katotohanan, gayundin ang karamihan sa mga salita sa pagbabahaginan ninyo. Ipinapakita nito na hindi alam ng karamihan sa mga tao kung paano isasagawa ang katotohanan sa totoong buhay, ni hindi nila alam kung paano hahanapin ang katotohanan kapag may mga nangyayari sa kanila, lalo namang wala silang katotohanan bilang prinsipyo at layon para sa kanilang pagsasagawa. Isa ba itong problema para sa lahat? Kung naarok mo ang prinsipyo ng katotohanan at naunawaan mo ang diwa nito sa mga pangyayari sa iyo, madalas ka pa rin bang malilito? Tiyak na hindi na. Kahit makaramdam ka pa ng kaunting pagkalito, dahil ito sa masyadong mababaw ang iyong pagkaunawa sa katotohanan, o dahil limitado ang karanasan mo sa katotohanan. Hindi mo maintindihan ang mga layunin ng Diyos, hindi naayos ang katiwalian mo, at nakakaramdam ka ng hapis sa iyong puso. Ano ang pinakamalaki ninyong problema sa paghahangad ninyo ngayon sa katotohanan? Dahil ba ito sa natatakot kayo na ipabahagi sa inyo ang isang paksa tungkol sa katotohanan? Takot na ipahayag ang mga salita at doktrina at hindi maipaliwanag ang realidad? At lalong takot na hindi ninyo malaman ang gagawin kapag may mga nangyayari sa inyo? (Oo.) Ito ay dahil wala kayong katotohanan sa inyong puso. Kung mayroon, hindi kayo masyadong mahihirapang harapin ang mga bagay na ito. Hindi alam ng ilang tao kung ano ang gagawain kapag may mga nangyayari sa kanila. Alam nilang hanapin ang katotohanan sa salita ng Diyos, pero hindi kaagad lumilitaw ang tamang sagot, kaya gumagamit sila ng kompromisong paraan. Iyon ay, nakukuntento na lamang sila sa literal na pagkaunawa sa kahulugan ng salita ng Diyos, at sumusunod na lang sa mga patakaran. Kung sinasambit nila ang kanilang mga panalangin at ang kanilang puso ay payapa at panatag, at kung tinatanong nila ang kanilang mga kapatid at wala silang anumang kaalaman na mas higit sa kanilang nalalaman, nararamdaman tuloy nila na sapat na ang magsagawa sa ganitong paraan. Sa katunayan, ang gayong pagsasagawa ay napakalayo sa pamantayan ng katotohanan, napakalayo sa realidad ng katotohanan, at napakalayo sa mga layunin ng Diyos. Hindi ito ang prinsipyo sa pagsasagawa ng katotohanan. Kung nais mong isagawa at unawain ang katotohanan, dapat mo munang hanapin ang katotohanan kapag may mga bagay na nangyayari sa iyo sa pang-araw-araw mong buhay. Ibig sabihin, dapat mong tingnan ang mga bagay-bagay batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan; kapag malinaw sa iyo ang diwa ng problema, malalaman mo kung paano magsagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. At kung lagi mong tinitingnan ang mga bagay-bagay ayon sa mga salita ng Diyos, makikita mo ang kamay ng Diyos—ang mga gawa ng Diyos—sa lahat ng nangyayari sa iyong paligid. Anuman ang nangyayari sa kanilang paligid, iniisip ng ilang tao na walang kinalaman iyon sa kanilang pananampalataya sa Diyos o sa katotohanan; sinusunod lamang nila ang sarili nilang mga kagustuhan, tumutugon ayon sa mga pilosopiya ni Satanas. Matututo ba sila ng anumang aral nang ganito? Siguradong hindi. Ito ang dahilan kaya maraming taong naniniwala sa Diyos sa loob ng sampu o dalawampung taon at wala pa ring pagkaunawa sa katotohanan o buhay pagpasok. Hindi nila kayang isama ang Diyos sa kanilang pang-araw-araw na buhay, o harapin ang lahat ng nangyayari sa kanilang paligid batay sa mga salita ng Diyos, kaya nga tuwing may anumang nangyayari sa kanila, hindi nila masabi kung ano talaga iyon, ni hindi nila magawang harapin iyon batay sa mga katotohanang prinsipyo. Ang mga gayong tao ay walang buhay pagpasok. Ginagamit lamang ng ilang tao ang kanilang isip kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos sa pulong; sa gayong mga pagkakataon, nagagawa nilang magsalita nang may kaunting kaalaman, subalit hindi nila kayang ipatupad ang mga salita ng Diyos sa anumang nangyayari sa kanila sa tunay na buhay, hindi rin nila alam kung paano isagawa ang katotohanan, kaya iniisip nila na lahat ng nangyayari sa kanilang pang-araw-araw na buhay ay walang kaugnayan sa katotohanan, walang kaugnayan sa mga salita ng Diyos. Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, parang tinatrato nila ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan bilang isang aspekto ng kaalaman, bilang ganap na hiwalay sa kanilang pang-araw-araw na buhay at lubos na nakabukod sa kanilang mga pananaw sa mga bagay-bagay, sa kanilang mga mithiin sa buhay, at sa kanilang mga hangarin sa buhay. Kumusta ang ganitong uri ng paniniwala sa Diyos? Mauunawaan ba nila ang katotohanan at makakapasok sa realidad? Kapag naniniwala sila sa Diyos sa ganitong paraan, tagasunod ba sila ng Diyos? Hindi sila mga taong tunay na naniniwala sa Diyos, lalong hindi sila tagasunod ng Diyos. Lahat ng problema sa kanilang pang-araw-araw na buhay—kabilang na ang lahat ng kinasasangkutan ng pamilya, buhay may-asawa, trabaho, o kanilang mga inaasam—ay itinuturing nilang walang kaugnayan sa katotohanan, kaya sinusubukan nilang lutasin gamit ang mga pamamaraan ng tao. Sa pagdanas nito, hinding-hindi nila makakamit ang katotohanan, hinding-hindi nila mauunawaan kung ano talaga ang nais ng Diyos na matupad sa mga tao, at ang epektong nais Niyang makamtan sa kanila. Ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan upang iligtas ang mga tao, upang linisin at baguhin ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ngunit hindi nila nababatid na kung tatanggapin at hahangarin nila ang katotohanan, saka lamang nila malulutas ang kanilang sariling mga tiwaling disposisyon; hindi nila nababatid na kapag naranasan at isinagawa nila ang mga salita ng Diyos sa kanilang pang-araw-araw na buhay, saka lamang nila makakamit ang katotohanan. Hindi ba’t mahina umunawa at ignorante ang gayong mga tao? Hindi ba’t sila ang pinakahangal, at katawa-tawa na mga tao? Ang ilang tao ay hindi kailanman hinangad ang katotohanan sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Akala nila ang ibig sabihin ng pananampalataya sa Diyos ay pagpunta sa pulong, pananalangin, pagkanta ng mga himno, pagbabasa ng mga salita ng Diyos; binibigyang-diin nila ang seremonyang panrelihiyon, at hindi nila kailanman isinasagawa o dinaranas ang mga salita ng Diyos. Ganito maniwala sa Diyos ang mga taong sa relihiyon. At kapag tinatrato ng mga tao ang isang bagay na napakahalaga na tulad ng pananampalataya sa Diyos bilang paninindigan sa relihiyon, hindi ba kabilang sila sa mga hindi mananampalataya? Hindi ba’t sila ay mga walang pananampalataya? Ang paghahangad ng katotohanan ay nangangailangan ng pagdanas ng maraming proseso. May simpleng bahagi ito, at mayroon ding kumplikadong bahagi. Sa madaling salita, dapat nating hanapin ang katotohanan at gawin at danasin ang mga salita ng Diyos sa lahat nang nagaganap sa ating paligid. Minsang masimulan mong gawin ito, lalo at lalo mong makikita kung gaanong katotohanan ang kailangan mong makamit at hangarin sa iyong paniniwala sa Diyos, at ang katotohanan ay talagang praktikal at ang katotohanan ay buhay. Inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan para makamit nila ang katotohanan bilang buhay. Lahat ng nilikhang sangkatauhan ay dapat tanggapin ang katotohanan bilang buhay, hindi lamang ang mga gumaganap ng mga tungkulin, na mga lider at manggagawa, o naglilingkod sa Diyos. Ang mga salita ng Diyos ay nakatutok sa buong sangkatauhan, at nangungusap ang Diyos sa buong sangkatauhan. Samakatuwid, dapat tanggapin ng lahat ng nilalang at ng buong sangkatauhan ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, at pagkatapos ay magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo upang magkaroon sila ng kakayahang isagawa at magpasakop sa katotohanan. Kung mga lider at manggagawa lamang ang kinakailangang magsagawa ng katotohanan, magiging ganap na salungat ito sa mga layunin ng Diyos, dahil ang katotohanang ipinahayag ng Diyos ay para sa buong sangkatauhan, at ipinapahayag ito para iligtas ang sangkatauhan, hindi lamang para iligtas ang iilang tao. Kung ganito ang sitwasyon, napakaliit ng magiging kabuluhan ng mga salitang ipinahayag ng Diyos. May isang landas ka na ba ngayon upang hangarin ang katotohanan? Ano ang unang bagay na dapat isagawa kapag hinahangad ang katotohanan? Bago ang lahat, dapat kang gumugol ng higit na panahon sa pagkain at pag-inom sa mga salita ng Diyos at pakikinig sa mga sermon at pagbabahaginan. Kapag may nakaharap kang isang usapin, magdasal at higit na maghanap pa. Kapag nasangkapan na ninyo ang inyong mga sarili ng maraming katotohanan, kapag mabilis kayong lumalago at nagtataglay ng tayog, magagawa ninyong magampanan ang isang tungkulin, idaos ang isang maliit na gawain, at magagawang lusutan ang ilang mga pagsubok at mga tukso. Sa oras na iyon, mararamdaman ninyong talagang naunawaan na at nakamit na ninyo ang ilang katotohanan, at madarama ninyo na ang mga salitang binigkas ng Diyos ay pawang katotohanan, na ang mga iyon ay mga katotohanang pinakakinakailangan para sa kaligtasan ng tiwaling sangkatauhan, at na ang mga iyon ay ang katotohanan ng buhay na ibinigay ng natatanging Lumikha. Sa kasalukuyan, wala kayong karanasan; may kaunting pananabik lamang kayo sa inyong puso. Pakiramdam ninyo ay napakalalim ng mga salita ng Diyos, at naglalaman ang mga ito ng napakaraming bagay na hindi ninyo makakamit, at ng napakaraming katotohanan na hindi ninyo maiintindihan. Hindi pa rin malinaw ang diwa ng ilang bagay, at nararamdaman ninyong masyadong mababaw ang pagkaunawa ninyo sa katotohanan. Mayroon lang kayong gayong pananabik sa inyong puso at gayong sigla, pero nakadepende kung matatamo ba ninyo o hindi ang katotohanan sa kung paano ninyo isasagawa at hahangarin ito sa hinaharap.
Sa gawain ng paghatol sa mga huling araw, isip-isipin mo kung nagpapahayag lang ang Diyos ng ilang simpleng katotohanan: walang masyadong malalalim, lalong walang nauugnay masyado sa paghahatol at paglalantad sa mga tao, kundi kaunting salita lamang batay sa kung ano ang kayang tanggapin ng mga tao at kung ano kayang maunawaan ng kanilang isip—ilang salita lamang ng pangako at pagpapala o ilang salita ng pagpapayo. Kahit tanggapin pa ng mga tao ang mga salitang ito, matatamo ba nila ang kaligtasan? Halimbawa na lang. Ipagpalagay nang diretsahang sinabi ng Diyos, “Masyadong malalim ang katiwalian na nasa inyong lahat. Wala ang katotohanan sa inyong lahat, at lahat kayo ay hindi naging tapat sa Akin. Ang kalikasang diwa ninyo ay naging kalikasan ni Satanas; kayo ay naging mga buhay na Satanas. Kayo ay mapanlaba sa Akin, at wala kayong pagmamahal para sa katotohanan.” Sinasabi Niya tuloy sa mga tao, “Sige at pag-isipan ninyo ito!” na sinundan kaagad ng, “Mapalad siya na nagmamahal sa katotohanan. Siya na tapat sa Akin ay magagawang tuparin ang Aking mga layunin, lakaran ang daan hanggang sa huli, at tamuhin ang Aking pangako.” Maaantig ba ang puso ng mga tao kung diretsahan itong sinabi ng Diyos sa kanila? Magsusumikap kaya sila tungo sa katotohanan? Ano kaya ang mararamdaman ng mga tao? “Nabasa na namin ang lahat ng salita ng Diyos, at kahit na may mga tiwaling disposisyon kaming lahat, hindi naman kami masasamang tao at hindi kami lalaban sa Diyos. May mga mapaghimagsik na disposisyon lang kami, at medyo tiwali at mahina ang pagkatao, at mas gustong sumunod sa mga makamundong kalakaran. Ngayong nauunawaan na namin ang ilang katotohanan at kaya na naming magnilay-nilay at kilalanin ang aming sarili, siguradong maiwawaksi na namin ang mga tiwaling bagay na ito sa aming sarili.” Marami bang tao ang nasa ganitong kalagayan? Iniisip nila na ang pagkaunawa sa doktrina ng pagsampalataya sa Diyos ay katumbas rin ng pagkaunawa sa katotohanan, at napakamapanganib nito. Nabubuwal kaagad ang mga taas-noo kung mangaral ng mga salita at doktrina at nabubunyag sila sa sandaling may pagsubok na dumarating sa kanila. Maiwawaksi ba ang isang tiwaling disposisyon nang hindi hinahangad ang katotohanan at hindi tinatanggap ang paghatol at pagkastigo? Imposible ito. Dapat maging malinaw kayo na nauubos na ang oras, at kung hindi ninyo kayang magdusa at magbayad ng halaga para sa pagtatamo ng katotohanan, madaling maaaksaya ang inyong panahon sa pananalig sa Diyos batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon. Pagkatapos, kapag dumating na ang matinding kapighatian, mawawalan na kayo ng panahon para hangarin ang katotohanan kahit gustuhin pa ninyo, at ganap na mawawalan na kayo ng pagkakataon para sa kaligtasan. Bagama’t nananalig kayo ngayon sa Diyos, hindi naman ninyo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Alam ba talaga ninyo ang dahilan kung bakit ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan, at ginagawa ang gawain ng paghatol? Bawat salita, bawat paksa, bawat katotohanan na ipinapahayag ng Diyos ay may kabuluhan at lubhang kapaki-pakinabang sa inyo. Nakikita man ninyo ito, nararanasan ito, o nararamdaman ito sa kasalukuyan, at gaano man karami ang talagang natamo mo sa ngayon, pagkalipas ng tatlo o limang taon ng inyong karanasan, mararamdaman ninyong totoo ang mga salita ng Diyos sa kasalukuyan, at kung gaano kadakila na ipinahayag ng Diyos ang mga salitang ito! Kung pinamimihasa pa rin ng Diyos ang tao gaya ng ginawa Niya sa Kapanahunan ng Biyaya, na tinatawag siyang “ang tupang nasa Aking kandungan” at ang isang nawawalang tupa na iiwanan Niya ang siyamnapu’t siyam para humayo’t hanapin ito, iisipin ng tao, “Napakadakila ng awa at mapagmahal na kabaitan ng Diyos; napakalalim ng pagmamahal ng Diyos para sa tao!” Kung laging iniisip at tinitingnan ng tao ang Diyos sa ganitong paraan, hindi niya tunay na hahanapin ang Diyos, hindi siya lalapit sa Diyos, hindi siya magpapasakop sa Diyos, at hindi siya magkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Kung walang tunay na pagkaunawa sa Diyos, hindi maiwawaksi ang tiwaling disposisyon ng tao; tratratuhin niya ang Diyos at ang katotohanan nang may saloobing mapaghamak, at lalabanan niya ang Diyos gaya ng ginagawa ng mga diyablo at ni Satanas. Kung ganoon ang kaso, hindi kailanman mauunawaan ng tao kung ano ang katotohanan, hindi niya kailanman tunay na mauunawaan kung ano ang kahulugan ng pananalig at pagsunod sa Diyos, at kung ano ang kahulugan ng paghahanap at pagtatamo sa katotohanan. Totoo ito. Kung hindi ipinahayag ng Diyos ang mga salitang ito; kung hindi Niya kinastigo at hinatulan ang bawat isang tao at ginamitan ang lahat ng gayong malulupit na salita, iisipin ng tao na ang pananalig sa Diyos ay nangangahulugang natamo na nila ang katotohanan, na ang pananalig sa Diyos ay ang tipunin pagdating ng panahon, ang makapasok sa kaharian at magkaroon ng kapangyarihan gaya ng isang hari. Sinasabi ng ilang tao na, “Ang isang taong kagaya ko ay halos isa nang senturyon!” Sinasabi naman ng iba, “Hindi naman ako humihingi nang labis. Sa kaharian, maaari ko pa ngang bantayan ang mga pintuang-daan o walisan ang mga kalsada!” Ito ang orihinal na intensyon, ang ninanais, at ninanasa ng bawat taong nananalig sa Diyos. Napakarami nang sinabi ng Diyos na lubusang naglalantad sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, sa kanyang mga magagarbong ninanasa, at sa kanyang tiwaling disposisyon. Walang anumang bagay na naiisip ng tao ang alinsunod sa katotohanan o kaayon ng Diyos, at walang bagay na inaasahan o ninanais ng tao na makamit ang alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Lubos na taliwas ang lahat ng ito sa Diyos. Kapag nananalig ang mga tao sa Diyos, nahaharap sila sa mga salita ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, sa mga salita ng Diyos na naglalantad sa kalikasang diwa ng tao, sa mga salitang hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at sa paraan ng Diyos sa paggawa na hindi umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Bagama’t kinikilala ng maraming tao na ang mga salita ng Diyos ay katotohanan, at handa silang makipagtulungan sa gawain ng Diyos at tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, napakahirap para sa kanila na matugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Pagdating sa paghahangad ng katotohanan, maraming tao ang nawawalan ng sigla, at pagdating sa pagbabahagi tungkol sa katotohanan, nakakatulog sila at ayaw nilang makinig. Pero pagdating naman sa mga hiwaga, pagpapala, at pangako, nabubuhayan sila ng loob. Ano ang nangyayari? Sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi mahal ng mga tao ang katotohanan. Pakiramdam nila ay masyadong sakit ng ulo, matrabahong gawin, masyadong masakit, at masyadong mataas ang halaga para bayaran ang paghahangad nito. Kung ang paghahangad sa katotohanan ay kasingsimple lang ng pagbabasa ng aklat o ng nursery rhyme sa mababang paaralan, baka magkainteres pa nang kaunti ang ilang tao tungkol dito, dahil magiging simple at madali ito, at hindi ito mangangailangan ng halagang babayaran o gugulan ng maraming lakas. Ngayon, kabaligtaran naman. Hindi ganoon kadali, ni ganoon kasimple ang paghahangad sa katotohanan. Hindi ibig sabihin na kung sapat ang kakayahan ng mga tao na basahin ang salita ng Diyos at maunawaan ito, kusa na silang makakapasok sa katotohanang realidad; ang pag-unawa sa mga salita at doktrina ay hindi nangangahulugan ng pagpasok sa katotohanang realidad. Napakasigla ng ilang tao sa kanilang pananalig sa Diyos na nagtatala pa sila sa mga pagtitipon at kapag nakikinig sila sa mga sermon at pagbabahaginan. Pero pagkalipas ng ilang panahon, pinag-iisipan nila itong mabuti pero wala silang matutunan mula rito: Kinakalimutan nila itong lahat at walang maalalang anuman, kahit gustuhin pa nila, kaya pakiramdam nila ay hindi madaling matamo ang katotohanan, at saka lamang nila mauunawaan na hindi isang simpleng bagay ang pananalig sa Diyos. Pakiramdam naman ng ibang tao ay marami silang natamo at naunawaan pagkatapos ng mga pagtitipon, pero pagkaraan ng magdamag na tulog nakalimutan na nilang lahat ang tungkol dito, na wala ring ipinagkaiba sa kung walang naging pagtitipon. Pero ang iba naman ay naliliwanagan at natatanglawan pa rin matapos basahin ang salita ng Diyos. Natutuwa sila sa kanilang sarili, pero pagkaraang makipag-usap sa mga walang pananampalataya sa loob ng ilang panahon, naglalayag ang kanilang mga isip, at kapag umuwi sila ng bahay at nanalangin sa Diyos, hindi na nila Siya madama. Nakakalimutan na nila ang lahat tungkol sa paghahangad sa katotohanan, sa pagbabago sa kanilang mga disposisyon, at sa ginawang pagliligtas ng Diyos. Ito ay dahil masyadong maliit ang kanilang tayog at iilang salita at doktrina lamang ang nauunawaan nila. Hindi pa nag-ugat ang salita ng Diyos sa kanila, nagpapatunay na wala pang puwang ang Diyos sa kanilang puso, kaya naman, kapag humaharap sila sa mga bagay sa labas, walang kontrol ang Diyos sa kanilang puso. Hindi isang simpleng bagay ang maranasan ang gawain ng Diyos. Kung hindi makakaranas ng ilang pagsubok, kabiguan, at hadlang, walang totoong matatamo ang mga tao, at hindi uubra ang paulit-ulit na pagkakabisa lamang. Sa panahon ngayon, nagsisimula lang maunawaan ng karamihan sa mga tao ang ilang katotohanan matapos manalig sa loob ng ilang taon. Lalo na pagkatapos makaranas ng ilang hadlang at kabiguan, nararamdaman nila ang kahalagahan ng paghahangad sa katotohanan, at saka lamang sila magsisimulang tumutok sa pagbabasa ng salita ng Diyos, sa pagbabahagi tungkol sa katotohanan, at sa pagsasagawa sa katotohanan. Saka lamang sila magsisimulang pumasok sa realidad.
Sinasabi ng ilang tao na, “Bakit kapag may paghihirap o balakid, pakiramdam ko ay nalilimitahan ako at hindi ko alam kung ano ang gagawin, at pakiramdam ko ay napakahirap manalig sa Diyos? Bakit ba kapag may mga paghihirap, nagiging negatibo ako at walang lakas na manalig sa Diyos? Bakit ba minsan hindi ako interesado sa mga pagpupulong o sa pagbabasa ng salita ng Diyos, pero kapag nagsasalita ako tungkol sa mga bagay-bagay ukol sa mga walang pananampalataya, nasasabik ako?” Ano ang nangyayari dito? Ang totoo, dahil sa kalikasang diwa ng tao, hindi minamahal ng tao ang katotohanan. Kung hindi minamahal ng mga tao ang katotohanan, maaari bang maging tunay ang pananampalataya nila sa Diyos? Maaari bang magkapuwang ang Diyos sa kanilang puso? Nasa puso ba nila ang Diyos? Wala, tiyak iyon. Kung wala ang Diyos sa puso mo at walang puwang ang Diyos sa puso mo, pinatutunayan nito na wala ang katotohanan sa puso mo, wala kang nauunawaang anumang katotohanan, at hindi mo isasagawa ang anumang katotohanan. Samakatuwid, pagdating sa pagninilay-nilay sa salita ng Diyos at sa pagsasagawa ng katotohanan, matamlay at walang landas ang mga tao. Kung hihilingan kang kumita ng pera at sinabihan kang maaari kang kumita pa ng maraming pera kung gagawin mo ang isang partikular na bagay, gagawin mo ang lahat ng iyong makakaya para malampasan ang lahat ng paghihirap at magtagumpay, at hindi ka matatakot sa kabiguan bagkus patuloy mo itong gagawin. May mga interes na humihikayat sa iyo, nakokontrol ng mga interes ang iyong puso, ang mga interes na iyon ang mauuna sa iyong puso, at mararamdaman mong masyadong mahalaga at hindi madaling bitiwan ang pera at mga interes, kaya susubukan mong gawin ang lahat ng makakaya mo para makamit ang sarili mong mga ninanasa at obhetibo, kahit ano pa ang mangyari. Samakatuwid, kung gagawin mong unang prayoridad sa iyong buhay ang paghahangad sa katotohanan, naniniwala Akong hindi ka mawawalan ng landas, ni hindi ka mawawalan ng oras, lalong hindi ka makakaranas ng anumang paghihirap na makahahadlang sa iyo sa paghahanap at pagsasagawa mo sa katotohanan. Nagtataglay ba kayo ng gayong paninindigan? Parang isang magulang na handang magbayad ng kahit magkanong halaga para masiyahan ang kanyang mga anak. Kapag sinasabi ng mga anak kung magkano ang magagastos sa pagpasok nila sa kolehiyo, kung walang ganoong pera ang pamilya, mangungutang ang mga magulang, magtitipon ng pera o maghahanap ng mga paraan para makapagnegosyo o tatanggap ng kaswal na trabaho kung hindi sila makakapangutang. Kahit gaano pa sila magdusa, gagawa sila ng paraan para makaipon ng sapat na pera para mabayaran ang pangkolehiyo ng kanilang mga anak, para malinang ang tagumpay ng kanilang mga anak, at para mabigyan ang kanilang mga anak ng magandang kinabukasan. Kung talagang may ganoon kayong paninindigan sa inyong paghahangad sa katotohanan, sa tingin Ko walang anumang hirap ang hindi makakayang lampasan ng sinuman sa inyo, maliban kung may kakulangan ka sa pag-iisip o may diperensiya ka sa utak mula nang ipanganak ka. Maliban kung ipinanganak kang may kapansanan sa pag-iisip, makakamit mo dapat kung ano ang kayang makamit ng pag-iisip ng isang normal na tao, at ang anumang paghihirap ay hindi isang paghihirap. Dahil ang paghahangad sa katotohanan ay hindi isang bagay na maaaring matamo ng mga imahinasyon ng tao; kailangan nito ang gawain ng Banal na Espiritu, at nakikipagtulungan lang ang tao rito. Hangga’t may kalooban tayo na hangarin ito, gagabayan tayo, pagkakalooban tayo at bibigyang-liwanag tayo ng Banal na Espiritu anumang oras, para malampasan natin ang bawat paghihirap at maunawaan ang katotohanang hindi natin maunawaan. Dahil ang imposible para sa tao ay posible naman para sa Diyos, at ang tao ay walang kabuluhan; kung hindi gagawa ang Diyos, balewala ang lahat ng matinding pagsisikap at pagpupunyagi ng tao.
Sa Kapanahunan ng Biyaya, sinabi rin ng mga tao na nananalig sila sa Diyos at sinusunod ang Diyos, pero ang naging layon nila ay ang makapasok sa langit. Hindi sila nagsalita ng tungkol sa pagsasagawa at pagdanas ng salita ng Diyos, ni hindi nila alam kung ano ba ang kahulugan ng maligtas. Sumunod lang sila sa mga patakaran, isinagawa ang mga serbisyong panrelihiyon at pagkatapos ay binasa ang Bibliya, at pagkatapos niyon ay nagkimkim sila ng kaunting pag-asa, pakiramdam nila ay humigit-kumulang iyon na iyon, at na makakapasok na sila sa langit kapag namatay sila. Hindi ganoon kasimple ang yugtong ito ng gawain sa mga huling araw, at ang bawat bagay sa gawain ng Diyos ay isang realidad na nangangailangan na aktuwal tayong magbayad ng halaga, para praktikal na maghanap at dumanas, nang matamo natin ang katotohanan mula sa mga salitang ipinahayag ng Diyos. Kung ang mga paniniwala ng mga tao ay katulad pa rin ng mga nasa Kapanahunan ng Biyaya, na sama-samang nagkakatipon lang linggo-linggo, binabasa ang Bibliya, at pagkatapos ay nananalangin, umaawit, at nagpupuri sa Diyos, bago sila maghintay at dalhin sa langit o maghintay para umakyat sa ikatlong langit, gaano katindi ang kayabangan ng tao! Ganito ang tiwaling sangkatauhan. Kahit gaano pa gumagawa ang Diyos, hangga’t pinapangakuan Niya ang tao, panghahawakan ito ng tao, palagi itong ginagawang patakaran at hindi kailanman hinahanap kahit bahagya ang gawain ng Diyos o ang Kanyang mga layunin, kundi naghihintay na lamang na dalhin sa langit. Hindi alam ng mga tao kung ano sila, nananaginip sila ng magagandang bagay at naghahangad na may marating sa buhay. Walang nag-iisip sa kanila na kauri sila ni Satanas, lalo naman na sila ang layon ng perdisyon. Iniisip nilang lahat na taos-puso silang nananalig sa Diyos, nagdusa ng matinding hirap sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, at hindi kailanman ipinagkanulo ang Diyos, kaya iniligtas na sila ng Diyos at tiyak na makakapasok sa kaharian ng langit. Mali ang pananaw na ito, at talagang hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Lalo na sa unang pagkakataong nanalig ang mga tao sa Diyos, sila ay masuwayin, mapaghinanakit, at talagang mayabang, di-kaaya-aya ang tingin sa iba at walang kinikilalang kahit sino—kahit ang Diyos—na kasinghusay nila. Kahit na tinanggap pa ng isang tao si Cristo, hindi ibig sabihin nito na kaya niyang tanggapin kung ano ang mga sinasabi ni Cristo o ang lahat ng ginawa ni Cristo. Sa salita lang niya tinatanggap ang yugtong ito ng gawain ng Diyos at sa salita lang niya tinatanggap ang Diyos na nagkatawang-tao, pero hindi ibig sabihin nito na wala na silang mga kuru-kuro, walang imahinasyon, at walang paglaban sa kung ano ang ginawa ng Diyos. Sabik na sabik at kinikilig ang ilang tao kapag nakikita nila si Cristo, pakiramdam nila sa kanilang puso na sila ay mapalad na mapalad at na hindi nawalan ng kabuluhan ang kanilang buhay. Subali’t dahil wala silang katotohanan at hindi nila nakikilala ang Diyos, mayroon silang mga kuru-kuro kapag nakikita nilang nagsasalita si Cristo, mga kuru-kuro kapag nakikita nilang hinaharap ni Cristo ang mga bagay-bagay, at mga kuru-kuro tungkol sa kung ano ang saloobin ni Cristo ukol sa isang tao; may mga kuru-kuro, opinyon, at ideya pa nga sila sa kung ano ang kinakain at isinusuot ni Cristo at sa alinman sa mga ekspresyon ng Kanyang mukha o galaw. Ano ito? Ito ay na ibang-iba talaga ang Diyos ng imahinasyon ng tao kaysa sa totoong Diyos, at para sa mga taong likas na may mga tiwaling disposisyon at mapagmataas na kalikasan, imposibleng hindi sila magkaroon ng mga kuru-kuro, na hindi lumaban, at hindi husgahan ang nagkatawang Anak ng tao. Kung hindi kikilalanin ng isang tao ang banal na diwa ng Diyos, mahirap magpasakop sa Diyos at lalong mahirap na mahalin Siya at matakot sa Kanya. Pero paano malalaman at tatratuhin ng mga taong nakaranas ng gawain ng Diyos sa loob ng maraming taon ang Diyos na nagkatawang-tao, lalo na ang mga nakinig sa maraming sermon at pagbabahagi ng Diyos? Personal nilang naranasan ang proseso mula sa pagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos hanggang sa pagkakaroon ng kaalaman sa Diyos, mula sa paghihimagsik at paglaban hanggang sa tunay na pagpapasakop, at personal nilang naranasan na ang lahat ng ginagawa ng Diyos, bawat salitang sinasambit Niya, at lahat ng bagay na hinaharap Niya ay kinapapalooban ng mga katotohanang prinsipyo. Hindi dapat magkaroon ang mga tao ng mga kuru-kuro, lalo na ng paglaban o pagtutol sa kanilang puso. Pagkaraan ng ilang taong karanasan, kapag nakakaunawa na ng kaunting katotohanan ang mga tao, tatratuhin nila ito nang tama, at kapag mayroon na silang kaunting katotohanan bilang kanilang buhay at nakapagtamo na sila ng mga prinsipyo sa pagsasagawa, likas silang hindi gagawa ng anumang kahangalan. Ang mga bagong mananampalataya at ang mga walang karanasan sa mga bagay na ito ay malamang na maghimagsik laban sa Diyos at lumaban sa Kanya, at malamang na gumawa sila ng kahangalan at kapusukan. Maaaring ang ilan na may seryosong kalikasan ay husgahan at lapastanganin ang Diyos at pagkatapos ay ganap na bumagsak; ginugulo at ginagambala naman ng iba ang gawain ng iglesia, at itinitiwalag sila. Punung-puno na ba kayong lahat ngayon ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos? Pakiramdam ba ninyo ay masyadong mahirap manalig sa Diyos na nagkatawang-tao? Sinasabi ng ilang tao na, “Noong nananalig pa kami sa Panginoon, simple lang ito. Magkakasama lang kaming nagtipon, nakinig sa mga sermon, at nanalangin sa Panginoon para humingi ng mga bagay-bagay; walang nagsabi sa amin na isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, lalo na ang akayin kami para maisagawa at maranasan ang mga salita ng Panginoon at hangarin ang katotohanan. Ipinaliwanag lang ng mga pastor at mangangaral ang Bibliya, at maaari na naming unawain ito sa anumang paraang gustuhin namin. Pero ngayon na nananalig na kami sa Makapangyarihang Diyos, napakarami Niyang ipinahayag na katotohanan na pakiramdam namin ay masyadong mahirap isagawa ang katotohanan, at mahirap talagang makapasok sa realidad!” Naisip na ba ninyo na kung nananalig pa rin kayo sa Diyos gaya ng dati kung paanong nananalig kayo sa Panginoon, matatamo kaya ninyo ang katotohanan at ang buhay? Maililigtas ba kayo ng Diyos? (Hindi.) Ang katunayang nagagawa ninyong mapagtanto ito ay nagpapakitang nagkaroon na kayo ng paglago.
Hindi maaaring ibatay sa mga imahinasyon o sa mga kuru-kuro ang paniniwala sa Diyos, at lalo namang hindi sa interes. Kung nananalig ka sa Diyos batay sa isang panandaliang interes o bugso ng kalooban, makabubuting kumalma ka muna at pag-isipang mabuti kung gusto mo pa bang patuloy na manalig, kung talaga bang gusto mong hangarin ang katotohanan, kung isa ka nga bang tunay na mananampalataya sa Diyos, kung nakapagpasya ka nang tumahak sa landas ng pananalig sa Diyos, at kung buo na ang isip mo na hangarin ang katotohanan. Bakit binibigyang-diin ang mga puntong ito? Dahil ang pinananaligan na natin ngayon ay ang Diyos na nagkatawang-tao, at ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay nangangahulugang nagmula Siya sa langit at bumaba sa lupa at tunay na naging tao, isang tao na ang kaanyuan ay katulad mismo ng sa tao, pero Siya ang Cristo, ang Diyos Mismo, at hindi isang simpleng tao. Isinakatuparan talaga ng pagkakatawang-tao ng Diyos ang gawain ng paghatol at paglinis sa mga tao, nagpahayag talaga ng maraming salita, gumawa ng napakaraming gawain, at pumili ng maraming tao, at tunay na, pinapalawig Niya ang Kanyang gawain at Kanyang ebanghelyo. Kinukumpirma ng bawat bahagi ng praktikal na gawaing ito na ang pagnanais ng Diyos na iligtas at gawing perpekto ang mga tao ay natural na nangangailangan na maranasan talaga ng mga tao ang Kanyang mga salita at gawain, para matamo nila ang katotohanan, at tunay na makapagpasakop at makasamba sa Diyos. Ito ang gusto ng Diyos na makumpleto. Mula nang tanggapin ninyo ang gawain ng Diyos hanggang sa ngayon, maaaring nakaranas kayo ng ilang bagay, kahit naisip pa ninyong di-pangkaraniwan ang mga ito, o kung nakikita ba ito ng inyong mga mata o maaari ba itong makamit ng isip ng tao; sa madaling salita, ginagawa ng Diyos ang lahat ng bagay sa praktikal na paraan, gumagawa sa atin, sa gitna natin, at sa paligid natin, nang sa gayon ay makita at mahawakan natin ito. Samakatuwid, isang praktikal na leksyon ang paghahangad sa katotohanan, at dapat nating hanapin at isagawa ang katotohanan sa lahat ng bagay na nangyayari sa atin, umaasa sa ating mga pagsisikap na makipagtulungan para matamo ang katotohanan. Ang paghahangad sa katotohanan ay hindi gaya ng iniisip ng mga tao. Iniisip ng mga tao na ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at ang pag-unawa sa literal na kahulugan ng mga ito ay pag-unawa na sa katotohanan, at na hangga’t makapagsasalita nang mahusay ang isang tao, isinasagawa na niya ang katotohanan. Hindi ito ganoon kasimple. Sa paghahangad sa katotohanan, kinakailangan natin talagang hanapin at tanggapin ang katotohanan, magdusa at magbayad ng halaga, dumanas, maghanap, magnilay-nilay, magbahagi, magsagawa, at magsikap sa totoong buhay. Sa ganitong paraan lang unti-unti tayong makakapasok at makikinabang sa salita ng Diyos at sa katotohanan. Isang araw, kapag nauunawaan mo na kung ano ba ang katotohanan, at kung ano ba ang diwa ng katotohanan, malalaman mo na ang mga salitang sinabi ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang mga pangangailangan ng ating realidad, na ito ang mga prinsipyo ng pagsasagawa na kailangan natin para harapin ang lahat ng ating problema, at na ang mga salitang ito ng Diyos ang layon at direksyon ng ating mga buhay. Sa panahong iyon, makikita mo kung gaano kamakabuluhan ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at kung gaano kaimportante at kahalaga para sa atin ang pagkakatawang-tao ng Diyos! Bawat pangungusap na sinasambit ng Diyos, bawat hakbang ng Kanyang gawain, ang bawat salita at kilos Niya, ang Kanyang mga kaisipan, ang Kanyang mga ideya, at ang Kanyang mga pananaw ay para sa layuning dalisayin at iligtas ang mga tao, walang hungkag sa mga ito; makatotohanan at praktikal itong lahat. Samakatuwid, nanggaling man ang isang tao sa isang relihiyon o napagbagong-loob siya mula sa mga walang pananampalataya, hindi na dapat manampalataya sa Diyos ang isang tao batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon, at hindi na dapat makibahagi ang isang tao sa mga pangarap na panrelihiyon, nangangarap na bigla na lang kukunin at dadalhin ang isang tao sa langit para salubungin ang Panginoon kapag dumating na ang matitinding sakuna; pananaginip ito nang gising. Naparito ang Diyos para ilantad at hatulan ang tao, at dalisayin ang katiwalian ng tao sa pamamagitan ng pagpapahayag sa katotohanan sa praktikal na paraan, at para iligtas ang tao mula sa impluwensiya ni Satanas sa praktikal na paraan. Sa panahong ito, kakailanganin ng tao na dumaan sa maraming pag-uusig at kapighatian, at daranas siya ng maraming pagpupungos at maraming paghatol at pagkastigo bago siya maaaring dalisayin at baguhin; sa pamamagitan lang ng pagdanas na ito ng gawain ng Diyos matatamo niya ang katotohanan. Sa sandaling matamo mo na ang katotohanan, magkakaroon ng puwang ang Diyos sa puso mo, at magkakaroon ka ng totoong takot at pagpapasakop sa Diyos, na siyang gusto ng Diyos na mangyari. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan at alam mo na ang halaga nito, at nag-ugat na sa iyong puso ang katotohanan, at may praktikal ka nang karanasan at kaalaman tungkol sa katotohanan, kung gayon, ang salita ng Diyos ang magiging buhay sa iyong puso. Praktikal ba ang prosesong ito? (Oo.) Ano, kung gayon, ang hinihingi ng prosesong ito na dapat gawin ng mga tao? Una sa lahat, dapat magkaroon ng pusong nagpapasakop sa Diyos ang mga tao, para matanggap ang paghatol at pagkastigo ng salita ng Diyos, at para magpasakop sa pagpupungos, mga pagsubok at pagpipino ng Diyos, nang sa gayon ay madalisay sila mula sa kanilang katiwalian, para maisagawa nila ang katotohanan at makamit ang pagpapasakop sa Diyos, at para makapasok sila sa realidad ng salita ng Diyos. Hangga’t nalalaman ng isang tao kung paano maranasan ang gawain ng Diyos, malalaman niya kung ano ang gusto ng Diyos na kumpletuhin sa kanya at kung anong mga resulta ang gusto Niyang makamit. Dalawang pangunahing epekto ang nakakamit ng salita ng Diyos sa tao: Una, pinahihintulutan nito na makilala ng tao ang kanyang sarili; at pangalawa, pinahihintulutan nito na makilala ng tao ang Diyos. Kapag nakamit na ang dalawang epektong ito, tunay na makikilala ng isang tao ang mga salita ng Diyos, at tunay na mauunawaan ang katotohanan.
Para makilala mo ang iyong sarili, kailangan mong malaman ang iyong sariling mga pagbubunyag ng katiwalian, ang iyong tiwaling disposisyon, ang mga mapanganib na kahinaan ng iyong sarili, ang disposisyon mo, at ang kalikasang diwa mo. Kailangan mo ring malaman, hanggang sa pinakahuling detalye, yaong mga bagay na nahahayag sa iyong pang-araw-araw na buhay—ang iyong mga motibo, mga pananaw, at saloobin sa bawat bagay—nasa bahay ka man o nasa labas, kapag nasa mga pagtitipon ka, kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, o sa bawat isyung kinakaharap mo. Sa pamamagitan ng mga aspekto na ito dapat mong makilala ang iyong sarili. Siyempre, para makilala mo nang mas malalim ang iyong sarili, kailangan mong sangkapan ang sarili mo ng mga salita ng Diyos; magkakamit ka lamang ng mga resulta kapag nakilala mo ang iyong sarili batay sa Kanyang mga salita. Kapag tumatanggap ng paghatol ng mga salita ng Diyos, huwag matakot na magdusa o masaktan, at bukod pa riyan, huwag matakot na tatagos ang mga salita ng Diyos sa puso ninyo at ilalantad ang mga pangit ninyong kalagayan. Kapaki-pakinabang na pagdusahan ang mga bagay na ito. Kung naniniwala kayo sa Diyos, dapat ninyong basahin ang higit pa sa mga salita ng Diyos na humahatol at kumakastigo sa mga tao, lalo na iyong mga naglalantad sa diwa ng katiwalian ng sangkatauhan. Dapat ninyong higit na ihambing ang mga iyon sa inyong praktikal na kalagayan, at dapat ninyong higit na iugnay ang mga iyon sa inyong sarili at hindi gaanong iangkop ang iba. Ang mga uri ng kalagayang inilalantad ng Diyos ay umiiral sa bawat tao, at maaaring matagpuan ang lahat ng iyon sa inyo. Kung hindi ka naniniwala rito, subukan mong danasin iyon. Habang lalo kang dumaranas, lalo mong makikilala ang iyong sarili, at lalo mong madarama na tumpak na tumpak ang mga salita ng Diyos. Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, walang kakayahan ang ilang tao na iugnay ang mga iyon sa kanilang sarili; akala nila ay hindi tungkol sa kanila ang mga bahagi ng mga salitang ito, kundi sa halip ay tungkol sa ibang mga tao. Halimbawa, kapag inilalantad ng Diyos ang mga tao bilang masasamang babae at mga kalapating mababa ang lipad, nadarama ng ilang kapatirang babae na dahil naging tapat na tapat sila sa kanilang asawa, malamang na hindi tumutukoy sa kanila ang gayong mga salita; nadarama ng ilang kapatid na babae na dahil wala silang asawa at hindi pa nakipagtalik kailanman, malamang na hindi rin tungkol sa kanila ang gayong mga salita. Nadarama ng ilang kapatid na lalaki na para lamang sa mga babae ang mga salitang ito, at walang kinalaman sa kanila; naniniwala ang ilang tao na masyadong matindi ang mga salita ng paglalantad ng Diyos, na hindi umaayon ang mga iyon sa realidad, kaya ayaw nilang tanggapin ang mga iyon. Mayroon pang mga taong nagsasabi na sa ilang pagkakataon, hindi tumpak ang mga salita ng Diyos. Ito ba ang tamang saloobin sa mga salita ng Diyos? Malinaw na mali ito. Tinitingnan ng lahat ng tao ang kanilang sarili batay sa kanilang panlabas na mga pag-uugali. Wala silang kakayahang pagnilayan ang kanilang mga sarili, at makilala ang kanilang tiwaling diwa, sa gitna ng mga salita ng Diyos. Dito, ang “masasamang babae” at “mga bayarang babae” ay tumutukoy sa diwa ng katiwalian, sa karumihan, at kawalan ng delikadesa ng sangkatauhan. Lalaki man o babae, may-asawa o wala, lahat ay mayroong mga tiwaling saloobin ng kawalan ng delikadesa—kaya paano ito mawawalan ng kinalaman sa iyo? Inilalantad ng mga salita ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao; lalaki man o babae, pareho ang antas ng katiwalian ng tao. Hindi ba totoo ito? Dapat muna nating mapagtanto na ang lahat ng sinasabi ng Diyos ay katotohanan, at nakaayon sa mga totoong pangyayari, at na kahit gaano pa katindi ang Kanyang mga salita na humahatol at naglalantad sa mga tao, o gaano man kamalumanay ang Kanyang mga salita ng pagbabahagi ng katotohanan o pag-uudyok sa mga tao, paghatol man o mga pagpapala ang Kanyang mga salita, mga pagkondena man o mga pagsumpa ang mga ito, nasasaktan man nito ang mga tao o nabibigyang-kasiyahan, dapat tanggapin ng mga tao ang lahat ng ito. Iyon ang saloobing dapat taglayin ng mga tao sa mga salita ng Diyos. Anong uri ng saloobin ito? Ito ba ay isang saloobing makadiyos, isang taos na saloobin, isang saloobing mapagpasensiya, o isang saloobing tumatanggap ng pagdurusa? Medyo nalilito kayo. Sinasabi Ko sa inyo na hindi ito anuman sa mga ito. Sa kanilang pananampalataya, dapat matatag na panindigan ng mga tao na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Dahil ang mga ito nga ang katotohanan, dapat tanggapin ng mga tao ang mga ito nang makatwiran. Kinikilala o inaamin man nila ito o hindi, ang una nilang saloobin sa mga salita ng Diyos ay dapat lubos na pagtanggap. Kung hindi inilalantad ng salita ng Diyos ang isang tao o ang lahat sa inyo, sino ang inilalantad niyon? At kung hindi iyon para ilantad ka, bakit ka sinasabihang tanggapin iyon? Hindi ba ito isang kontradiksyon? Nangungusap ang Diyos sa buong sangkatauhan, bawat pangungusap na binigkas ng Diyos ay naglalantad sa tiwaling sangkatauhan, at walang hindi kasali rito—kaya natural na kasama ka rin. Wala ni isa sa mga linya ng mga binigkas ng Diyos ang tungkol sa mga panlabas na hitsura, o uri ng kalagayan, lalo na tungkol sa mga patakarang panlabas o sa isang simpleng klase ng pag-uugali sa mga tao. Hindi ganoon ang mga iyon. Kung sa tingin mo ay paglalantad lang ng isang simpleng uri ng pag-uugali ng tao o panlabas na pagpapakita ang bawat linyang binigkas ng Diyos, wala kang espirituwal na pang-unawa at hindi mo nauunawaan kung ano ang katotohanan. Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Nadarama ng mga tao ang kalaliman ng mga salita ng Diyos. Paano naging malalim ang mga ito? Inilalantad ng bawat salita ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at ang mga bagay na mahalaga at malalim na nakaugat sa kanilang buhay. Mahalaga ang mga bagay na ito, hindi mga panlabas na hitsura, at lalo nang hindi mga pag-uugali sa labas. Sa pagtingin sa mga tao mula sa kanilang mga panlabas na anyo, maaaring mukhang mabubuting tao silang lahat. Ngunit bakit sinasabi ng Diyos na ang ilang tao ay masasamang espiritu at ang ilan ay maruruming espiritu? Ito ay isang bagay na hindi mo nakikita. Kaya, kailangan ay hindi tratuhin ng isang tao ang mga salita ng Diyos ayon sa mga kuru-kuro o imahinasyon ng tao, o ayon sa sabi-sabi ng tao, at lalong hindi ayon sa mga pahayag ng naghaharing partido. Ang mga salita lamang ng Diyos ang katotohanan; lahat ng salita ng tao ay mali. Matapos mabahaginan nang gayon, nakaranas na ba kayo ng pagbabago sa inyong saloobin sa mga salita ng Diyos? Gaano man kalaki o kaliit ang pagbabago, sa susunod na mabasa ninyo ang mga salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa mga tao, kahit paano ay hindi ninyo dapat subukang mangatwiran sa Diyos. Dapat kayong tumigil sa pagrereklamo tungkol sa Diyos, sinasabing, “Talagang matindi ang mga salita ng paglalantad at paghahatol ng Diyos sa mga tao; hindi ko babasahin ang pahinang ito. Lalaktawan ko na lang ito. Maghahanap ako ng mababasa tungkol sa mga pagpapala at pangako, para maginhawahan ako nang kaunti.” Dapat ay hindi na ninyo basahin ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagpiling mabuti ayon sa inyong sariling mga hilig. Dapat ninyong tanggapin ang katotohanan at ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos; saka lamang malilinis ang inyong tiwaling disposisyon, at saka lang kayo magtatamo ng kaligtasan.
Bagama’t alam na ninyo ngayon na katotohanang lahat ang mga salita ng Diyos, at handa na kayong hangarin ang katotohanan, may kanya-kanya pa rin kayong mga kagustuhan at pasya sa pagharap sa mga salita ng Diyos, at kikilos pa rin kayo ayon sa sarili ninyong kalooban. Gustong-gusto ninyong basahin ang mga salita ng Diyos ng pangako at pagpapala, at partikular ninyong maaalala ang mga salita ng pangako ng Diyos. Makakaramdam kayo ng ginhawa sa pagbabasa ng mga salitang gaya nito, o makakaramdam kayo ng kaunting pag-asa at malalaman ninyong wala pa rin kayong lakas at gana na manalig sa Diyos. Pero ayaw ninyong basahin ang mga salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa mga tao, dahil kung palaging binabasa ng isang tao ang mga salita ng Diyos ng paglalantad sa mga tao at paghahatol at pagkakastigo sa mga tao, nakakaramdam ng pagkabagabag ang isang tao, at mapapawi ang lakas para manalig sa Diyos, kaya paano makasusulong ang isang tao? Sa panahon ngayon, hindi maunawaan ng nakararaming tao ang mga salita ng Diyos na naglalantad ng mga hiwaga. Pakiramdam nila ay masyadong malalalim ang mga ito, at hindi nila abot-kamay ang mga salita ng pagpapala. Kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos na inilalantad ang mga tiwaling disposisyon ng tao, kaya nilang unawain ang ilan sa mga ito, at kahit na maiugnay pa nila ang mga salitang ito sa kanilang sarili at aminin sa kanilang puso na ang mga salitang iyon ay mga katunayan, ayaw pa rin nilang tanggapin ang mga ito. Nakita mo na, kung gaano kalaking sakit ng ulo ang mga tao! Alam naman nila na ang salita ng Diyos ang katotohanan, pero ayaw pa rin nilang tanggapin ito; gusto nilang magtamo ng mga pagpapala, pero hindi pa rin nila ito matatamo. Kaya paano ba dapat kainin at inumin ng isang tao ang salita ng Diyos nang tama? Una sa lahat, dapat mas magbasa pa ang isang tao ng mga salita ng Diyos na nagsisiwalat ng mga misteryo. Kapag nagbabasa ng gayong mga salita, nararamdaman ng isang tao na nasa ikatlong langit at matayog ang Diyos, at na dapat magkaroon ang isang tao ng may-takot-sa-Diyos na puso. Pagkatapos ay mananalangin siya, “O Diyos, napakadakila Mo! Makapangyarihan Ka sa lahat! May kataas-taasang kapangyarihan Ka sa lahat ng bagay, at kaya Mong tukuyin ang tadhana ko; handa akong magpasakop sa lahat ng bagay na isinaayos Mong mangyari sa paligid ko.” Sa pananalangin ng ganitong paraan, magkakaroon ang mga tao ng kaunting takot sa Diyos. Handang manalig ang mga tao sa Diyos na matayog, kaya bago kumain at uminom ng salita ng Diyos, ang unang hakbang ay ang tiyakin na nagsasalita ang Diyos sa mga tao mula sa langit, at magiging handa ang mga tao na basahin ang salita ng Diyos at hindi sila madaling magkakaroon ng mga kuru-kuro. Ang pangalawang hakbang ay ang humanap ng ilang salita ng mga pangako at pagpapala ng Diyos para kainin at inumin. Kapag nakitang pinagpapala ng mga salita ng Diyos ang tao, nagiging sabik na sabik ang mga tao na nagsisimula silang tumangis, sinasabing, “O Diyos, masyado Kang kaibig-ibig! Nararapat Ka naming sambahin! Handa kaming tanggapin ang mga pagpapalang inilalaan Mo para sa amin, at mas lalo pa kaming handang tanggapin ang mga pangakong ibinibigay Mo sa amin. Iyon nga lang, sa ngayon ay maliit ang tayog namin at hindi pa lumalaki, kulang pa kami sa mga kwalipikasyon para tanggapin ang Iyong mga pangako at pagpapala, at nakikiusap kami sa Iyo na pagkalooban Mo pa kami!” Napakagandang basahin ang mga salita ng pagpapala ng Diyos! Pagkatapos ay nagninilay-nilay sila, “Anong uri ng mga pagpapala ang mayroon, kung gayon? Sinabi ng Diyos na pagdating ng panahon, walang mga kalamidad ang mangyayari sa tao, at na makakalaya ang tao mula sa nakayayamot na pagkain nang tatlong beses sa isang araw at sa paghuhugas at paglilinis—may mga ganitong pangakong sinabi ang Diyos.” Habang lalong nagbabasa ang isang tao, lalo naman siyang nasasabik. Pero kahit gaano ka pa kasigla, huwag mong kalilimutang hangarin ang katotohanan. Ang pangatlong hakbang ay ang basahin ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa tiwaling disposisyon at diwa ng sangkatauhan. Pagdating sa bagay na ito, hindi kinakailangang kumain at uminom masyado sa bawat pagkakataon; sapat nang kumain at uminom ng isa o dalawang aytem sa bawat pagkakataon. Pagkatapos kumain at uminom, isantabi mo muna ang mga bagay na hindi mo nauunawaan, ang mga bagay na hindi maaaring maiugnay sa iyo, at pagnilay-nilayang mabuti ang mga bagay na maiuugnay sa iyo, at unti-unti mong malalaman ang sarili mong kalagayan. Kapag tunay mo nang nakilala ang tiwali mong disposisyon, at naunawaan ang mas marami pang katotohanan, magagawa mong makita nang husto ang sarili mong kalikasang diwa nang hindi mo namamalayan. Sa tingin ba ninyo ay mabuti ito? (Oo.) Parang kapag binibigyan ng gamot ang isang bata: Binibigyan mo muna siya ng bagay na malasa para mapapayag siya, kapag wala na ang atensyon niya, saka mo isusubo ang gamot; kung napapaitan siya, binibigyan mo siya ng dalawa pang piraso ng kendi para mapapayag siya, at iinumin na niya ang kanyang gamot. Pero kapag lumaki na siya, hindi na ito kinakailangan: Kusa na niyang iniinom ang gamot, kahit alam na alam niya kung gaano ito kapait. Ito ay tungkol sa tayog. Kung kulang ka sa tayog, at sinabihan kang hanapin sa salita ng Diyos ang mga salitang naglalantad sa tiwaling kalikasan ng tao at mga nauugnay na katotohanan at ikumpara ang sarili mo sa mga ito, at kung pinakain at pinainom ka ng mga salitang ito buong maghapon, pagtagal ay kasasawaan mo ito, dahil hindi pa abot ng karanasan mo ang mga ito at hindi pa ito handa para rito. Kaya naman, kailangan mong magdagdag ng isang bagay na kagaya ng pampatamis sa gitna nito, at ang mga maliliit ang tayog ay dapat kumain at uminom ng mga salita ng Diyos sa ganitong paraan. Kung madalas kang mahina at negatibo at wala kang totoong pananampalataya o pag-asa, dapat magmadali kang kumain at uminom ng ilang salitang tungkol sa mga pagpapala at pangako ng Diyos, at maghanap ng mga salitang tungkol sa pagsisiwalat ng Diyos ng mga misteryo para kainin at inumin. Kung nararamdaman mong lumalakas ka at lalong nagiging malapit ang ugnayan mo sa Diyos, kung gayon, kailangan mong kumilos agad at maghanap ng mga salitang makakain at maiinom mo tungkol sa pagkastigo at paghatol, at sa ganitong paraan, mas madaling magkakaroon ng epekto ang pagkain at pag-inom, at hindi mo maaantala ang paglago ng buhay. Kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos nang maliit ang tayog mo, kailangan marunong kang gumawa ng pagbabago: ang pagkain at pag-inom sa paraang ilalagay mo ang iyong sarili sa mabuting lagay ng pag-iisip at lalaki nang mabilis; ang pagkain at pag-inom ng bagay na abot-kaya mo at ang pagsasantabi sa mga bagay na hindi; at ang subukang isagawa at maranasan kung ano ang naunawaan mo mula sa pagkain at pag-inom. Hangga’t alam mo kung paano isasagawa at mararanasan ang mga salita ng Diyos at ang mga katotohanang nauunawaan mo, makakapasok ka sa tamang landas ng pananalig sa Diyos.
Naaalala Ko ang isang taong minsang nagsabi nang ganito: May isang tao na nagsikap nang husto na pag-aralan kung kailan iiwan ng Diyos ang mundo. Ang matinding pagsisikap na ito ay hindi ang pag-isipan ang tungkol dito araw at gabi; kundi, naging isipin ito sa kanya mula nang magsimula siyang manalig sa Diyos. Para makakuha ng tumpak na kasagutan, tinipon niya ang lahat ng salita tungkol sa pag-alis ng Diyos, gaya ng kung kailan iiwan ng Diyos ang mundo, kung ano ang magiging mga palatandaan, at kung ano ang magiging reaksyon ng mga tao sa iglesia. Pagkatapos ay pinagnilay-nilayan niya ang tungkol sa mga ito nang buong sigla, gumagawa ng komprehensibong pagsusuri at ikinukumpara ang mga ito sa isa’t isa, paisa-isa at mula harapan hanggang likod, na para bang sumasangguni sa isang sangguniang Bibliya. Hindi ba’t matinding pagsisikap ito? Gaano “nagmalasakit” ang taong ito sa Diyos, at gaanong “pagmamahal” ang mayroon siya para sa Diyos! Isang napakahalagang pangyayari sa gawain ng Diyos ang pag-alis ng Diyos mula sa mundo, at nang matuklasan niya ito, itinuring niya itong pinakamahalagang bagay—mas mahalaga pa kaysa sa paghahangad niya ng katotohanan para magkamit ng kaligtasan, at mas mahalaga pa kaysa sa paghahanap ng anumang butil ng katotohanan sa mga salita ng Diyos. Kaya, sama-sama niyang tinipon ang lahat ng salitang iyon at sa wakas ay nakahanap siya ng “kasagutan.” Isantabi na muna ang katumpakan ng mga resulta ng kanyang pananaliksik, ano sa tingin ninyo ang mga pananaw ng ganitong uri ng tao tungkol sa paghahangad ng pananampalataya sa Diyos at sa paraan kung paano niya ito hinangad? Kinakailangan ba talaga ang pagsisikap na ginawa niya? Walang saysay na magpakahirap nang ganoon! Ano naman ang kinalaman sa iyo ng paglisan ng Diyos mula sa mundo? Hindi ipinagbigay-alam sa iyo ng Diyos ang tungkol sa Kanyang pagparito, kaya hindi Niya ipapaalam sa iyo kung kailan Siya aalis. Maraming bagay ang hindi hinahayaan ng Diyos na malaman ng mga tao, at ano ang dahilan niyon? Ang dahilan ay na hindi kailangan ng mga tao na malaman, at kung alam man nila, wala itong mabuting magagawa para sa kanila at wala itong gagampanang papel sa magiging hantungan nila sa hinaharap, kaya hindi na ito kailangan pang malaman ng mga tao. Ngayong nagkatawang-tao na ang Diyos, alam Niya ang lahat ng mga misteryo at ang lahat ng aspekto ng katotohanan at ang lahat ng bagay, at maaari Niyang sabihin ang mga ito sa mga tao, pero may mga bagay na hindi na kailangang malaman ng mga tao, ni hindi kailangang sabihin sa kanila. Kapag nilisan ng Diyos ang mundo, at kapag tatapusin na Niya ang Kanyang gawain—may anumang kaugnayan ba sa tao ang mga bagay na ito? Maaaring sabihin ng isang tao: Wala itong anumang kabuluhan! Sinasabi ng ilang tao na, “Bakit hindi ito mahalaga? Ano ang gagawin ko kung masyado nang huli para hangarin ko ang katotohanan? Kailangan kong alamin kung gaanong oras pa ang natitira sa araw ng Diyos, at kailangan kong matiyak kung kailan ang araw na iyon bago ko hangarin ang katotohanan.” Hangal ba ang gayong tao? Isa ba siyang taong naghahangad ng katotohanan? Hindi! Kung tunay na naghahangad ng katotohanan ang isang tao, wala siyang pakialam dito, ni hindi niya gugustuhing intindihin ang mga bagay na ito; sa tingin niya ay hindi nakakatulong sa paghahangad ng katotohanan ang intindihin ang tungkol sa mga bagay na ito at wala itong kabuluhan, kaya ayaw na niyang pag-isipan at pagtiyagaan ang mga nakakabagot na paksang ito. Palaging iniintindi ng ilang tao ang tungkol sa kung kailan darating ang araw ng Diyos, pero hindi ba’t ito ay isang personal na agenda? Pinatutunayan ba ng palagi mong pag-iintindi sa kung kailan darating ang araw ng Diyos na mahal mo ang Diyos? Mapatutunayan ba nito na isa kang taong sumusunod sa kalooban ng Diyos? Mapatutunayan ba nito na nagpapatotoo ka sa Diyos? Mapatutunayan ba nito na nakapag-ambag ka sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos? Kumusta naman ang paghahanda mong gumawa ng mabubuting gawa? Gaano karaming katotohanan na ang naunawaan mo? Anong mga katotohanang realidad ang napasok mo? Ito ang mga bagay na dapat na pinakainiintindi mo. Palagi kang nagtatanong tungkol sa balita tungkol sa Diyos, palaging gustong makaalam ng kaunting tsismis, palaging gustong makaarok ng kaunting misteryo. Pero isa lang itong pusong mausisa, at hindi isang pusong naghahangad sa katotohanan o isang pusong maalalahanin sa Diyos, at lalong hindi isang pusong may takot sa Diyos. Ang paghahangad mong makaunawa ng mga misteryo ay walang ni bahagyang kinalaman sa paghahangad sa katotohanan. Paano ba dapat tratuhin ang ganitong uri ng mga tao? Nirerespeto mo ba sila? Hinahangaan mo ba sila? Naiinggit ka ba sa kanila? Tutulungan mo ba silang hanapin ang gayong mga misteryo? Hindi, siguradong titingnan mo sila nang mababa, na sinasabing, “Hindi pa rin kami mahusay sa paghahangad sa katotohanan, sa pagkilala sa aming sarili, at sa pagkilala sa Diyos—wala pa kaming natatamong anuman—at may mga katotohanan sa bawat aspekto na naghihintay na mahanap, na maunawaan, at na maisagawa, kaya hindi na namin kailangang pag-aralan nang mabuti ang gayong mga misteryo.” Sa katunayan, hangga’t nasa puso mo ang Diyos at ang pagnanais na hangarin ang katotohanan, pagdating ng araw, hindi ka iiwanan ng Diyos sa kamangmangan; hindi ka Niya aabandonahin. Ito ang pananampalataya at ang pagkaunawang dapat magkaroon ka. Kung mayroon kang ganitong pananampalataya at pagkaunawa, hindi ka gagawa ng anumang kahangalan. Kung intensyon ng Diyos na sabihin sa iyo, hindi ba’t sasabihin Niya ito nang direkta? Mangangailangan pa bang magpaligoy-ligoy? Mangangailangan pa bang itago ang mga salita sa loob ng mga salita? Mangangailangan pa bang maging malihim? Hindi na. Ang intensyon ng Diyos na ipaalam sa mga tao ay ang katotohanan; ang lahat ng Kanyang gawain, mga salita, at layunin ay nagpapahayag ng katotohanan, at hinding-hindi Niya itatago ang mga ito sa mga tao. Samakatuwid, hindi mo kailangang magtanong tungkol sa mga bagay na ayaw ng Diyos na malaman ng mga tao, ni hindi mo kailangang pag-isipan ang mga ito nang mabuti, dahil mawawalan ng kabuluhan ang ginawa mong pagsisikap para sa mga bagay na iyon, at mawawalan ito ng anumang halaga, bagkus magiging kapoot-poot ito sa Diyos. Bakit ito magiging kapoot-poot sa Diyos? Una sa lahat, dapat mong maunawaan na nagpahayag ang Diyos ng maraming katotohanan, at ipinahayag ang mga katotohanan sa lahat ng aspekto. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan para ayusin ang mga totoo mong pansariling problema kapag may nangyayari sa iyo, hindi ka isang nagmamahal sa katotohanan: Isa kang taong sobrang mausyoso; isang taong mapamintas; isang taong tinatrato ang mga salita ng Diyos nang walang tamang respeto at nang palaging pabasta-basta. Walang puwang ang Diyos sa puso mo. Ang mayroon ka lang sa puso mo ay ang ilang bagay na ayaw ng Diyos na malaman mo, gaya ng kung ano kaya ang tahanan Niya—ang ikatlong langit—at kung nasaan talaga ito, kung ano kaya ang magiging kaharian pagdating ng araw, at kung kailan lilisanin ng Diyos na nagkatawang-tao ang mundo. Iyon ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na kinapopootan ka ng Diyos. May anumang dahilan ba para kapootan ka ng Diyos? (Mayroon.) Ipagpalagay nang hindi nag-aral mabuti ang mga anak mo sa buong maghapon at hindi ginawa ang takdang-aralin na dapat nilang gawin, sa halip ay pinag-isipan ang mga katanungang gaya ng: “Paano nagkakilala ang tatay at nanay ko? Paano ako ipinanganak? Pagkatapos akong maipanganak, nagustuhan ba nila ako? Kumusta ang magiging lagay ng pamilya ko sa hinaharap? Yayaman kaya kami?” Kung palagi nilang pinag-aaralan ang mga katanungang ito, aayawan mo ba ang gayong anak? Kapopootan mo ba ang iyong mga anak dahil ginagawa nila ito? Ano ba ang gusto mong gawin ng mga anak mo? Ang matutong magbasa at magsulat nang maayos at mag-aral nang mabuti. Ito ang layunin mo para sa iyong mga anak, kaya ano naman ang layunin ng Diyos para sa tao? Paanong hindi mas gugustuhin ng Diyos na sumunod ang tao sa tamang landas at gumawa ng wastong gawain? Ayaw ng Diyos na pag-aralan Siya ng mga tao, o ang palaging palihim na obserbahan ang Kanyang bawat salita at kilos, ang gumugol ng walang kabuluhang panahon at pagsisikap sa Kanya. Marami ang mga palaging pinag-aaralan kung kailan darating ang araw ng Diyos. Hindi ba nila pinagdududahan at nilalabanan ang Diyos sa kanilang puso? Ano ba ang problema ng taong hindi pinapahalagahan ni hinahangad ang maraming katotohanang ipinapahayag ng Diyos? Hinahanap ng isang matapat na tao ang katotohanan at sinusubukang maarok ang mga intensiyon ng Diyos sa lahat ng bagay, at pagkatapos magbasa ng mga salita ng Diyos, nakatitiyak siyang ang mga salitang ito ay katotohanan, at na dapat isagawa at magpasakop ang mga tao sa mga ito. Tanging ang mga hindi nananalig na ang salita ng Diyos ang katotohanan ang siyang pag-aaralan ang Diyos. Walang ni katiting na pakialam ang mga taong ito tungkol sa kanilang mga responsabilidad at sa sarili nilang mga tungkulin; hindi man lang nila binibigyang pansin ang mga ito at hindi sila gumagawa ng anumang pagsisikap o nagbabayad ng anumang halaga para sa mga ito. Sa halip, palagi nilang iniintindi ang mga bagay gaya ng kung kailan lilisanin ng Diyos ang mundo, kung kailan ibabagsak ng Diyos ang sakuna, at kung gaano pa ang itatagal bago dumating ang araw ng Diyos, at mga kakaibang katanungang gaya ng: “Makikipagkita pa rin kaya sa atin ang Diyos pagkatapos Niyang iwan ang mundo? Ganito kaya ang magiging gawain ng Diyos pagkatapos na iwan Niya ang mundo? Pagkatapos lisanin ng Diyos ang mundo, gaano Siya katagal mananatili sa ikatlong langit? Babalik kaya Siya? May mga anghel kaya sa Kapanahunan ng Kaharian sa hinaharap? Nakikisalamuha ba ang mga anghel sa mga tao?” Kinapopootan ng Diyos ang mga taong palaging pinag-aaralan ang mga ganitong uri ng mga paksa. Kung gayon, ano ang dapat pagtuunan ng pansin ng tao? Kung paano makikilala ang Diyos na nagkatawang-tao, kung paano makikilala ang gawain ng Diyos, at kung paano aarukin ang bawat salita na sinabi ng Diyos: Ito ang mga responsabilidad ng tao, at ito ang mga unang bagay na dapat hangaring maunawaan at mapasok ng tao. Kung hindi mo hahangaring maunawaan at mapasok ang mga katotohanang ito, walang saysay ang pananalig mo sa Diyos—isang hungkag na kasabihan na walang totoong laman. Kung lagi mong palihim na pinagninilay-nilayan ang mga bagay na may kaugnayan sa mga misteryo at sa kung kailan lilisanin ng Diyos ang mundo, o kung palagi kayong nag-uusap-usap tungkol sa kung saan ipinanganak ang katawang-laman ng Diyos, kung anong uri ng pamilya ang Kanyang kinalakhan, kung anong uri ng pamilya ang mayroon Siya, kung anong uri ng buhay ang mayroon Siya, kung gaano Siya katanda, kung anong uri ng edukasyon ang nakamit Niya, kung nanalig ba Siya kahit minsan sa Diyos, kung binasa ba Niya ang Bibliya kahit minsan, at kung gaano katagal na Siyang nananalig kay Jesus, at iba pa—kung palagi ninyong pinag-aaralan ang mga bagay na ito, kung gayon ay hinuhusgahan ninyo ang Diyos at nilalapastangan ang katawang-laman ng Diyos! Gusto ng Diyos na malaman mo ang Kanyang disposisyon at ang Kanyang diwa, para maunawaan mo ang Kanyang mga intensiyon, magawa mong magpasakop sa Kanya, at magawa mong maisagawa ang katotohanan para mapalugod Siya; hindi ka Niya hinahayaang pag-aralan mo Siya at pag-usapan ang tungkol sa Kanya habang nakatalikod Siya. Samakatuwid, dahil tinanggap natin ang pagkakatawang-tao ng Diyos at ang yugtong ito ng gawain ng Diyos, at tinanggap natin si Cristo bilang ang ating buhay at ating Diyos, dapat tayong magkaroon ng may-takot-sa Diyos na puso at dapat nating tratuhin nang may taimtim na saloobin ang Kanyang mga pag-aari, ang Kanyang pagiging Diyos at katawang-laman ng Diyos kung saan nagkatawang-tao Siya; ito ang katwiran at pagkatao na dapat mayroon ka. Kung pakiramdam mo ay wala kang anumang kaalaman ngayon tungkol sa Diyos, kung gayon ay huwag kang magsalita tungkol dito. Sa halip, magsalita ka tungkol sa pagkakilala mo sa iyong sarili, kung paano mo hahangarin ang katotohanan, at kung paano mo gagampanang mabuti ang iyong mga tungkulin, at sasangkapan ang iyong sarili ng mga aspektong ito ng katotohanan. Balang araw, kapag pakiramdam mo ay para bang may kaunting totoong kaalaman ka na tungkol sa Diyos, puwede na kayong magkakasamang magbahaginan. Pero huwag mong tangkaing pag-usapan ang tungkol sa impormasyong may kinalaman sa laman ng Diyos na nagkatawang-tao o sa ilang di-nalalamang misteryo, dahil baka mas madali ninyong masalungat ang disposisyon ng Diyos, makondena kayo ng Diyos, at maging isang mapanglapastangan, at itatakwil ka ng Banal na Espiritu. Isang bagay ito na dapat mong makita nang malinaw. Mapapalitan ba ng laging pag-aaral tungkol sa Diyos at pagtatanong ng tsismis ang paghahangad sa katotohanan? Makikilala mo ba ang Diyos dahil dito? Kung hindi mo nakikita ang mga bagay na ito nang malinaw, hindi ba’t napakahangal at napakamangmang mo namang tao?
Dapat maunawaan mismo ng mga tao kung ano ba ang paghahangad sa katotohanan. Bakit ba nagpapahayag ang Diyos ng napakaraming katotohanan para iligtas ang mga tao? Bakit hinihingi ng Diyos sa mga tao na maunawaan ang napakaraming katotohanan? Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang mga katotohanang ito, maaayos ba ng isang tao ang kanyang tiwaling disposisyon? Makikilala ba ng isang tao ang Diyos nang hindi nauunawaan ang mga katotohanang ito? Kung hindi nakikilala ng isang tao ang Diyos, makakamit ba ng isang tao ang pagpapasakop sa Diyos? Makasasamba ba ang isang tao sa Diyos? Magkakaugnay lahat ang mga katotohanang ito. Paano makakamit ng isang tao ang kaligtasan nang hindi niya nauunawaan ang mga katotohanang ito? Madali bang maunawaan ang mga katotohanang ito? Makakamit ba ng isang tao ang pagkaunawa sa katotohanan nang hindi nararanasan ang paghatol at pagkastigo? Makikilala ba ng isang tao ang kanyang sarili nang hindi niya nararanasang mapungusan? Maaari bang magkaroon ng tunay na pagsisisi ang isang tao nang hindi niya nakikilala ang kanyang sarili? Makakamit ba ng isang tao ang kaligtasan nang walang tunay na pagsisisi? Ang lahat ng katotohanang ito ay mga katotohanan na dapat maunawaan ng mga nananalig sa Diyos, at mga katotohanan ito na dapat maunawaan para makamit ang kaligtasan. Kung dati nang magulo ang paniniwala mo sa Diyos at hindi mo hinahangad ang katotohanan, kung gayon mawawala sa iyo ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos.
Taglagas, 2007