Kabanata 49
Upang makapaglingkod nang may koordinasyon, dapat makipag-ugnay ang isang tao nang tama, may lakas, at masidhi. Bukod pa rito, dapat mayroon siyang sigla, sigasig, at nag-uumapaw na kumpiyansa, upang kapag nakita ng iba, sila ay matutustusan at mapupuno. Upang mapaglingkuran Ako, dapat kang maglingkod sa paraang hangad Ko, nang hindi lamang kaayon ng Aking puso, kundi higit pa rito ay binibigyang-kasiyahan ang Aking mga layunin, upang masiyahan Ako sa natutupad Ko sa iyo. Punuin mo ang iyong buhay ng Aking salita, punuin mo ang iyong pananalita ng Aking kapangyarihan—ito ang kahilingan Ko sa iyo. Ibinubunyag ba ng pagsunod mo sa mga sarili mong hangarin ang Aking wangis? Magbibigay ba iyan ng kasiyahan sa Aking puso? Isa ka bang taong tapat na sumunod sa Aking mga layunin? Isa ka bang taong tunay nang sumubok na unawain ang Aking puso? Inialay mo na ba talaga ang iyong sarili para sa Akin? Tunay mo na bang iginugol ang iyong sarili para sa Akin? Binulay-bulay mo na ba ang Aking mga salita?
Dapat gumamit ang isang tao ng karunungan sa bawat aspeto at gumamit ng karunungan sa paglakad sa Aking perpektong daan. Ang mga kumikilos ayon sa Aking salita ang pinakamarunong sa lahat, at ang mga kumikilos alinsunod sa Aking salita ang pinakamasunurin. Ang sinasabi Ko ang masusunod at hindi mo kailangang makipagtalo sa Akin o subukang mangatwiran sa Akin. Lahat ng sinasabi Ko ay sinasabi Ko nang isinasaisip ka (mahigpit man Ako o malumanay). Kung magtutuon ka sa pagiging masunurin, mabuti iyan, at ito ang daan ng tunay na karunungan (at ng pag-iwas na mangyari sa iyo ang paghatol ng Diyos). Ngayon, sa Aking sambahayan, huwag kang maging magalang sa Aking harapan at magsabi ng ibang mga bagay sa Aking likuran. Gusto Kong maging praktikal ka; hindi mo kailangang gumamit ng mabulaklak na retorika. Para sa mga praktikal, naroon ang lahat. Para sa mga hindi, walang kahit anuman. Maging ang kanilang mga katawan ay babalik din kasama nila sa kawalan, dahil kung walang pagkapraktikal, kahungkagan lamang ang naroon; wala nang iba pang paliwanag.
Sa inyong pananampalataya sa Diyos, gusto Kong maging masigasig kayo at hindi isipin ang maaari ninyong matamo o mawala, o lahat ng mayroon kayo; dapat ninyong hangarin lamang na tumapak sa tunay na landas at hindi madala ninuman o makontrol ninuman. Ito ang tinatawag na pagiging isang haligi ng iglesia, isang mananagumpay ng kaharian; ang gawin ang kasalungat ay nangangahulugang hindi kayo karapat-dapat na mabuhay sa Aking harapan.
Sa iba’t ibang sitwasyon, magkakaiba rin ang paraan para maging malapit sa Akin. Gustung-gusto ng ilang tao na magsabi ng matatamis na salita at kumilos na taimtim sa Aking harapan. Gayunpaman, sa likod ng mga eksena, ganap silang magulo at walang-wala sa kanila ang Aking mga salita. Nakakasuya sila at nakakainis; tiyak na hindi sila makapagpapaunlad ng sinuman o makapagtutustos kaninuman. Hindi ninyo kayang isaalang-alang ang Aking puso dahil lamang hindi na kayo lalo pang magiging malapit o makakapagsalamuha sa Akin; lagi ninyo Akong pinag-aalala sa inyo at pinagtatrabaho para sa inyo.