Kabanata 45
Hayagan ninyong hinahatulan ang inyong mga kapatid na parang wala lang. Talagang hindi ninyo alam ang mabuti sa masama; wala kayong kahihiyan! Hindi ba’t lubhang pangahas at padalus-dalos na pag-uugali ito? Nalilito at nabibigatan ang puso ng bawat isa sa inyo; dinadala ninyo ang napakaraming dala-dalahan at wala Akong puwang sa loob mo. Mga bulag na tao! Umabot na sa sukdulan ang kalupitan ninyo—kailan ito matatapos?
Kinakausap Ko kayo mula sa Aking puso nang paulit-ulit at ibinibigay Ko sa inyo ang lahat ng mayroon Ako, pero napakamaramot ninyo at wala ni katiting na pagkatao; talagang mahirap arukin ito. Bakit kayo kumakapit sa mga sarili ninyong kuru-kuro? Bakit hindi mo Ako mahayaang magkaroon ng isang lugar sa iyo? Paano Ko kayo maaaring masaktan? Hindi kayo dapat magpatuloy na umasal nang ganito—talagang hindi na nalalayo ang araw Ko mula ngayon. Huwag magsalita nang walang-ingat, umasal nang padalus-dalos, o lumaban at lumikha ng kaguluhan; anong kabutihan ang madadala nito sa inyong buhay? Sinasabi Ko sa inyo nang totohanan, kahit na wala ni isang tao ang maligtas pagdating ng Aking araw, aasikasuhin Ko pa rin ang mga bagay-bagay ayon sa Aking plano. Dapat mong malaman na Ako ang Diyos na makapangyarihan sa lahat! Walang bagay, walang tao, walang pangyayari ang nangangahas na humadlang sa Aking mga hakbang pasulong. Hindi ninyo dapat isipin na wala Akong paraan upang isagawa ang Aking kalooban nang wala kayo. Masasabi Ko sa iyo na kung itinuturing mo ang sarili mong buhay sa ganitong negatibong paraan, sisirain mo lang ang sarili mong buhay at hindi Ko ito papansinin.
Umunlad na ang gawain ng Banal na Espiritu hanggang sa isang partikular na yugto at umabot na sa isang rurok ang patotoo. Ito ang malinaw na katotohanan. Dali, buksan ninyo ang inyong mga nanlalabong mata; huwag payagan na ang Aking matitiyagang pagsisikap sa inyo ay mawalang saysay, at huwag nang magpasasa pa sa inyong sarili. Masaya kayong gumawa ng mabubuting gawa sa harapan Ko, pero kapag wala Ako, maitataas ba ang inyong mga pagkilos at pag-uugali sa harapan Ko para makita Ko? Hindi ninyo alam ang mabuti sa masama! Hindi kayo nakikinig sa Akin, gumagawa kayo ng isang bagay sa harapan Ko at iba sa likod Ko. Hindi pa rin ninyo napagtanto na Ako ang Diyos na tumitingin nang malalim sa puso ng tao. Sukdulan kayo sa kamangmangan!
Kalaunan, sa daan pasulong, hindi kayo dapat lumikha ng katusuhan o sumali sa panlilinlang at kabuktutan, kung hindi, magiging di-maubos-maisip ang mga kahihinatnan! Hindi pa rin ninyo lahat nauunawaan kung ano ang panlilinlang at kabuktutan. Anumang mga pagkilos o mga pag-uugali na hindi ninyo maipapakita sa Akin, na hindi ninyo hayagang mailalantad, ay panlilinlang at kabuktutan. Dapat maunawaan na ninyo ito ngayon! Kung sasali kayo sa panlilinlang at kabuktutan sa hinaharap, huwag magkunwaring hindi nakauunawa—kung gagawin ninyo iyan, sadya iyang paggawa ng mali, at doble ang inyong pagkakasala. Maghahatid lang ito sa inyo sa pagsunog sa apoy, o mas malubha pa, sa pagkapahamak ng inyong mga sarili. Dapat ninyong maunawaan! Ang hinaharap ninyo ngayon ay ang pagtutuwid ng pag-ibig; tiyak na hindi ito walang-pusong paghatol. Kung hindi ninyo ito nakikita, labis kayong kaawa-awa, at talagang wala na kayong pag-asa. Kung hindi kayo nakahandang tumanggap ng pagtutuwid ng pag-ibig, ang tanging maaaring sumapit sa inyo ay walang-pusong paghatol. Kapag nangyari iyan, huwag kayong magreklamo na hindi Ko kayo sinabihan. Hindi Ako ang nagpabaya sa Aking mga pananagutan kundi kayo ang hindi nakinig sa Aking mga salita at hindi nagsakatuparan ng Aking mga salita. Sinasabi Ko sa inyo ito ngayon, nang hindi Ako masisi ng mga tao kalaunan.