Silang mga Nakauunawa Lamang sa Katotohanan ang May Espirituwal na Pang-unawa
Magsisimula tayo sa pagbabahaginan tungkol sa mga paraan kung paano ipinakikilala ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa ang kanilang sarili. Ano ang pinakakapansin-pansin sa kanila? Ito ay na kahit gaano karaming taon na silang nananalig sa Diyos, o kung paano tila naghahangad sila ng katotohanan, hindi kailanman lumalago ang kanilang buhay at wala silang kahit anumang landas para sa pagsasagawa sa pagpasok sa buhay. Hindi pinagninilayan at sinusubukang kilalanin ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa ang kanilang sarili gaano man katiwali ang disposisyong ibinubunyag nila. Sa katunayan, ni hindi nila alam kung ano ang tiwaling disposisyon. Hindi nila batid ang disposisyong inihahayag at ipinakikita nila, gaano man ito kayabang. Gaano man sila magsinungaling o manlinlang, wala silang ni katiting na pakiramdam nito. Gaano karaming beses man silang magrebelde sa Diyos at lumaban sa Kanya, hindi nila alam na ito ay isang kamalian. Gaya rin sila ng mga walang pananampalataya, kumikilos ayon sa kanilang naisin at walang pag-aatubiling gumagawa ng masama, iniisip na sila ang nasa tama, at hindi tumatanggap ng kritisismo o pangaral mula sa kahit na sino. Kahit na madalas silang nakikinig sa mga sermon at dumadalo sa mga pagtitipon, wala silang kaalam-alam kung ano ang pagpapasakop, o kung ano ang pagrerebelde at pagsalungat, o kung ano ang mga pagtanggi sa pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Hindi nila alam ang kabutihang nagmumula sa mga intensyon ng tao, o kung ano ang pagsasagawang ayon sa katotohanan at pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Wala silang alam tungkol sa mga detalye ng pagkakaibang ito. Hindi nila alam kung sila ba ay naging matapat o pabasta-basta sa pagtupad ng kanilang tungkulin, o kung anong mga tiwaling disposisyon ang inihayag nila at kung ano ang mga intensyon nila, o kung ang landas na nilalakaran nila ay ang tamang landas. Hindi nila alam kung tama ang pananaw ng kanilang pagsasagawa, o kung anong mga uri ng asal ang minamahal o itinataboy ng Diyos. Wala silang alam sa mga bagay na ito. Hindi nauunawaan ng mga taong walang anumang espirituwal na pagkaunawa ang mga usaping espirituwal sa buhay. Nagpapatuloy lamang sila sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at sa pamumuhay nang normal na espirituwal na buhay. Tuwing ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, hindi sila tatamad-tamad o nagdudulot ng kaguluhan, ni hindi rin nila sinasadyang gumawa ng mga bagay na makagagambala o makagugulo. Ginagawa nila kung ano ang sinasabi sa kanila at sumusunod sila sa mga simpleng regulasyon. Subalit pagdating sa mga detalye, sa mga kalagayang may kinalaman sa pagpasok sa buhay, sa iba’t ibang pananaw at saloobin, ganap nilang ipinagsasawalang-bahala ang mga ito. Kapag nagbabahagi ka ng mga katotohanang may kaugnayan sa paglutas ng mga haka-haka, iniisip nilang wala silang kahit ano, na lahat ng kanilang mga haka-haka ay nalutas na, at ang ibinabahagi mo ay walang kinalaman sa kanila. Hindi nila alam kung ano ang tinutukoy ng mga sinasabi mong mga haka-haka, o kung anong katotohanang realidad ang mayroon sa sinasabi mo. Kapag nagsasalita ka tungkol sa pagkilala sa sarili, sinasabi nila, “Suwail at mayabang ang tao, hindi ba? Eh, kung hindi lamang siya suwail, hindi ba’t sapat na iyon? Kapag may isyung nangyayari sa kanya, kung hindi siya nagyayabang, kung medyo masnagpapakumbaba siya at hindi mapagmataas—hindi ba’t sapat na iyon?” Kapag nagsasalita ka ng tungkol sa pagpapasakop, sinasabi nila, “Ano ba ang napakahalaga sa pagpapasakop? Basta’t huwag ka lamang gumawa ng anumang masama. Ano ba ang napakahirap diyan?” Kapag nagsasalita ka tungkol sa paghihimagsik laban sa laman, pagdidisiplina sa katawan, pagwawaksi ng katiwalian, at pagsasagawa ng katotohanan, sinasabi niya, “Hindi kailangang maghimagsik laban sa laman o isagawa ang katotohanan; magiging mabuting tao na lamang ako.” Ganyan kasimple ang kanyang pag-iisip. Makakamtan ba ng gayong tao sa huli ang katotohanan? (Hindi.) Ano ang kanyang saloobin tungkol sa katotohanan? (Hindi niya kinikilala ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan, kaya’t hindi niya tinatanggap ang mga ito, iniisip niyang wala siyang tiwaling disposisyon na inilalantad ng salita ng Diyos.) Tama, iniisip niya, “Wala akong gaanong tiwaling disposisyon ng tao na inilalantad ng Diyos, at kahit na mayroon akong anumang tiwaling disposisyon, napakaunti lamang nito, ilang panandaliang kaisipan lamang, hindi malaking bagay. Hindi ba’t kinakailangan lamang ito para maging mapagpasakop? Makikinig ako sa anumang sasabihin mo, at gagawin ko ang anumang iniuutos mo. Hindi ba’t pagpapasakop iyan?” Ganito ba iyan kasimple? Masyadong payak ang pag-iisip ng ilang tao na kapag may nakikita silang isang tao na nagiging negatibo, sinasabi nila, “Mahalin mo lang ang Diyos, bakit ka umiiyak, bakit ka nagiging negatibo?” Walang espirituwal na pang-unawa ang mga taong ito. Ano ang ibig sabihin ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa? Ang ibig sabihin niyan ay, anuman ang sabihin ng Diyos o anuman ang mga katotohanang sinasabi Niya, tinitingnan lamang ng mga taong ito ang mga bagay na ito bilang mga teorya. Hindi nila nauunawaan ang diwa ng mga isyung ito, ni hindi rin nila nauunawaan kung ano ang mga problemang nilalayong lutasin ng pagbabahagi ng Diyos sa mga katotohanang ito. Hindi nila nauunawaan kung paano nauugnay ang mga katotohanang ito sa pagpasok sa buhay ng mga tao at sa landas na nilalakaran nila, o kung paano nauugnay ang mga ito sa mga tiwaling disposisyong inihahayag ng mga tao, o kung paano nauugnay ang mga ito sa mga tao na ipinamumuhay ang wangis ng tao at sa pagkakamit nila ng kaligtasan. Hindi nila nauunawaan ang alinman sa mga bagay na ito. Hindi malinaw sa kanila at hindi nila nauunawaan kung ano ang kaugnayan ng mga salitang ito ng Diyos, ng mga katotohanang ito, sa pagbubunyag at pagpapahayag ng katiwalian ng mga tao at sa kanilang pagsasagawa at pagpasok. Ang naririnig lamang nila ay “pagpapasakop, katapatan” at “huwag maging pabasta-basta, o manggambala at manggulo.” Sa huli, ibinubuod nila ang lahat sa isang pangungusap “Wala akong maalalang iba pa, pero alam kong dapat kong gawin ang anumang iniuutos ng Diyos. Handa pa nga akong magtrabaho. Ano pa ba ang dapat sabihin?” Hindi nila alam na maliban sa pagtatrabaho, marami pang mga tiwaling bagay sa mga tao na kailangang lutasin, gaya ng mga ambisyon, pagnanasa, kagustuhan, kuru-kuro, imahinasyon, gayon din ang mga maling pananaw ng mga tao at ang pilosopiya ni Satanas sa mga makamundong pakikitungo. Hinihingi ng mga salita ng Diyos na lutasin ng mga tao ang lahat ng bagay na ito at palitan ang mga ito ng katotohanan. Ang layunin Niya sa paglalabas ng mga katotohanang ito ay upang ipaunawa sa iyo ang katotohanan at tanggapin ito sa iyong puso, at pagkatapos ay gamitin ito sa totoong buhay upang lutasin ang iyong mga problema at paghihirap, nang sa ganoon ay magagawa mong realidad mo ang mga katotohanang ito, at naisasabuhay at naihahayag ang mga ito sa iyo. Ang ihahayag mo pagkatapos ay hindi na kayabangan, ambisyon, mga pagnanasa, kuru-kuro, imahinasyon, natutunan, pilosopiya, o iba pang gayong tiwaling bagay, kundi ang realidad ng katotohanan. Hindi ito nauunawaan ng mga taong walang espirituwal na pagkaunawa. Sa pakikinig nila sa ilang taong sermon, iniisip nila, “Bakit halos pare-pareho lang ang bawat sermon? Ang ilang taon ng pagsesermon tungkol sa pagkilala sa sarili—hindi ba’t tungkol lamang ito sa pagkilala sa mahahalagang kahinaan at katiwalian ng isang tao?” Sinasabi ng ilan na mas malalim at mas detalyado ang mga sermon ngayon kumpara dati, pero hindi ito napapansin ng mga taong walang espirituwal na pagkaunawa. Ito ang palatandaan ng gayong tao. Ang ilang tao ay may sapat na taas ng kalidad pero hindi hinahangad ang katotohanan, kaya hindi nila kailanman makakamtan ang espirituwal na pagkaunawa. Ang ibang tao ay may napakababang kalidad para maunawaan ang katotohanan, kaya habang lalo nilang naririnig ang mga detalye ng bawat katotohanan, mas lalo silang nalilito, nang hindi kailanman nagkakaroon ng tamang landas ng pagsasagawa. Gaano man karaming taon nang nananalig ang mga taong ito na mababa ang kalidad, nagagawa lamang nilang sumunod sa mga regulasyon o magsikap nang kaunti, at ang ilan sa kanilang may kaunting konsensiya at katwiran ay maaaring may kaunting katapatan tuwing ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Iniiwasan nilang maging pabasta-basta, tinitiyak nilang hindi sila makagagawa ng mga hayag na kasalanan, at naghahanda rin sila ng ilang mabubuting gawa. Sa ilang bagay, kaya nila ang simpleng pagpapasakop, ginagawa ang iniuutos sa kanila at binibitiwan ang mga hindi iniuutos, tinatanggap ang ilang munting pagdidisiplina, at, kahit paano, ginagawa nila ang mga bagay-bagay ayon sa pamantayan ng kanilang konsensiya. Hindi sila direktang nagkakasala sa Diyos at hindi nila ginagawa ang mga bagay na malinaw na lumalaban sa Diyos, pero hindi nila kayang magkamit ng mas malalim na pagpapasakop. Lalong hindi nila kayang harapin ang mga bagay gaya ng mga pagsubok at patotoo ni Job. Hindi nila nauunawaan ang mga salita at patotoo ni Job. Hindi nila alam kung ano talaga ang ibig sabihin ng mga salitang, “Ang Diyos ang nagbigay, at ang Diyos ang nag-alis,” at talagang hindi nila kayang makita na ang nangyari kay Job ay resulta ng pagkakait ng Diyos. Kung haharap sila sa gayong pagsubok, tiyak na makikipagtalo sila sa Diyos at labis na magrereklamo, dahil talagang hindi nauunawaan ng mga taong ito ang katotohanan. Malinaw na nakikita ng taong tunay na nakauunawa sa katotohanan ang mga tiwaling kalagayan ng mga taong inilalantad ng Diyos. Kahit paano ay malinaw nilang nakikita ang ginawa ng Diyos, nauunawaan nang tama ang anumang isyung kinakaharap nila, at hindi basta-bastang pinag-uusapan, tinutukoy, o binibigyang-kahulugan ang anumang hindi nila nauunawaan. Ang mga taong tunay na nakauunawa sa katotohanan ay nakakikilala sa pagkakaiba ng katotohanan at kasinungalingan, at nakakikilala kung normal o hindi ang kalagayan ng isang tao. Pagkatapos, nauunawaan nila ang mga sarili nilang paghahayag ng katiwalian sa realidad at sa konteksto ng tunay na buhay, at natatanggap ang katotohanan para lutasin ang mga sarili nilang tiwaling disposisyon. Nauunawaan nila ang mga layunin ng Diyos sa kapaligiran na Kanyang isinaayos, at nagagamit nila ang katotohanan para lutasin ang mga tunay na problema alinsunod sa mga salita ng Diyos. Ito ang nakakamit ng isang taong may espirituwal na pang-unawa.
Ano ang nauugnay sa antas ng pagpasok sa buhay ng isang tao? Ito ay nauugnay sa antas ng pagkaunawa ng isang tao sa katotohanan. Ano ang tinutukoy ng antas ng pagkaunawa ng isang tao sa katotohanan? Ano ang pagkaunawa sa katotohanan? Ito ay ang malaman kung aling aspeto ng realidad ang tinutukoy ng mga salita ng Diyos, kung ano ang mga problema sa mga tao na nilalayon nitong lutasin, kung aling aspeto ng tiwaling disposisyon ng tao ang tinutugunan nito, kung ano ang mga prinsipyo ng aspetong ito ng katotohanan, kung ano ang ugnayan nito at ng ibang katotohanan, at kung ano ang mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos para sa aspetong ito ng katotohanan. Ang maunawaan ang lahat ng ito ay maunawaan ang katotohanan. Halimbawa, para maunawaan ang katotohanan ng pagpapasakop, kailangan mo munang maunawaan kung ano ang pagpapasakop, kung paano tunay na maging mapagpasakop at kung anong pamantayan ng pagpapasakop ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Ito ang realidad ng pagpapasakop, ang katotohanan ng pagpapasakop. Hindi lamang ito tungkol sa pagkaunawa sa konsepto, kahulugan, at teorya ng pagpapasakop, kundi tungkol din ito sa pagkaunawa sa mga prinsipyo ng pagsasagawa ng pagpapasakop; ang malaman kung paano gamitin ang mga prinsipyong ito; ang malaman kung ano ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo at kung ano ang lumalabag sa mga ito kapag ginagamit ang mga ito; at pagkakaroon ng kakayahang kumilala ng tamang pagsasagawa at ng mga maling paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Ito ang makakapagpatunay na talagang nauunawaan mo ang katotohanan. Kung magagamit mo ang aspetong ito ng katotohanan sa iyong sarili, maipapamuhay at matutupad mo ang mga katotohanang ito, at pagkatapos ay masusukat mo ang ibang tao ayon sa mga katotohanang ito; kung maisasakatuparan mo ang mga resultang ito, makakamit mo ang realidad ng pagpasok sa aspetong ito ng katotohanan, at pagkatapos ikaw ay magiging isang tao na may espirituwal na pang-unawa. Kung mayroon mang espirituwal na pang-unawa ang isang tao ay hindi natutukoy sa kung gaano kabilis niyang naaarok katotohanan, kundi, sa halip, kung nauunawaan niya o hindi ang mga salita ng Diyos. Kung tila nauunawaan mo ang mga salita ng Diyos sa sandaling naririnig mo ang mga ito, pero hindi mo nauunawaan ang mga ito kapag nahaharap ka sa isang problema, wala kang espirituwal na pang-unawa. Gayunpaman, kung pakiramdam mo ay nauunawaan mo ang mga ito sa oras na iyon, bagamat hindi lubusan, at pagkatapos ng ilang panahon ng karanasan, kapag nahaharap ka sa isang problema, malinaw mo itong nakikita at nauunawaan mo ang aspetong ito ng katotohanan, mayroon kang espirituwal na pang-unawa. Ang pagkaunawang ito ay walang kaugnayan sa kung gaano ang nauunawaan ng isang tao sa literal o doktrinal na termino—may kinalaman ito sa kakayahan ng isang tao, gayon din sa mithiin at landas na tinatahak niya. Ang isang anticristo ay maaaring magmukhang may kaunting talino at kaloob, at magaling siyang magsalita, pero wala siyang anumang alam tungkol sa mga usaping espirituwal sa buhay. Kaya niyang gayahin ang ilan sa mga orihinal na salita mula sa isang sermon pagkatapos niya itong mapakinggan at kaya niyang intindihin ang mahahalagang punto, at maaaring isipin ng mga tao na naunawaan niya. Gayunpaman, ang mga bagay na sinasabi niya ay hindi angkop sa mga sitwasyong hinaharap niya, hindi niya kayang maipagsama ang mga ito o gamitin ang mga bagay na sinasabi niya. Sa katunayan, sa pakikinig sa mga salitang ibinabahagi niya, tila nauunawaan niya ang mga kaugnay na aspeto ng katotohanan at naiintindihan ang mga prinsipyo, kaya dapat alam niya kung paano haharapin ang mga bagay-bagay. Gayunpaman, kapag nahaharap siya sa isang isyu, hindi niya isinasagawa ang katotohanan, kundi sa halip ay inuulit niya ang isa pang teoretikal na pahayag. Ito ay magkasalungat, at pinapatunayan nito na hindi niya nauunawaan ang katotohanan, at puro doktrina at teorya lamang ang mga bagay na ipinapangaral niya. Naririnig mo siyang nangangaral ng doktrina na parang maliwanag sa kanya ang tungkol dito, pero sa katunayan wala siyang espirituwal na pang-unawa. Hindi niya nauunawaan ang katotohanan o hinahangad ang katotohanan. Halimbawa, kapag siya ay nasa isang mahirap na sitwasyon at nagiging negatibo at nakikipagbahaginan ka sa kanya sa katotohanan, sinasabi niya, “Huwag kang magbahagi sa akin, alam ko ang lahat.” Sa katunayan, hindi niya alam. Kung talagang alam niya, hindi siya magiging sobrang negatibo o di-makatwiran. Kapag naririnig mong ipinapangaral niya ang kanyang di-makatwiran at maling lohika, alam mong wala siyang nauunawaan tungkol sa katotohanan at wala siyang espirituwal na pang-unawa. Sa oras na nahaharap siya sa isang bagay na hindi akma sa kanyang mga kuru-kuro, nagrereklamo siya laban sa Diyos, hindi niya naiintindihan ang Diyos, at ikinakalat pa niya ang mga kuru-kuro niya. Sa pakikinig sa ipinapangaral niya at sa mga bagay na ikinakalat niya, at sa pagtingin sa nasa puso niya, alam mo na hindi talaga niya nauunawaan ang katotohanan. Ngayon, sa pagkilala kung nauunawaan o walang espirituwal na pang-unawa ang mga tao, nahayag na na ang karamihan ng tao ay hindi nakakaunawa sa katotohanan. Madalas ay nagagawa nilang ipangaral nang napakabuti ang mga salita at doktrina. Sa partikular, pakiramdam ng mga taong maraming taon nang nananalig sa Diyos at gustung-gustong mangaral ng mga salita at doktrina na mas marami silang kapital. Gayunpaman, nahayag na wala talaga silang espirituwal na pang-unawa at na sila ay mga taong walang silbi. Hindi sila kapaki-pakinabang kahit kaunti sa sambahayan ng Diyos. Paano makakamit ng ganitong uri ng tao ang kaligtasan?
Ano ang eksaktong ibig sabihin ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa? Sa madaling salita, ang ibig sabihin nito ay hindi maunawaan ang mga usaping espirituwal sa buhay, hindi maunawaan ang mga bagay ng espirituwal na dako, at samakatuwid hindi likas na maunawaan ang katotohanan. Kung oobserbahan mo ang pagsasalita at pagpapahayag ng opinyon ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa, matutuklasan mo na hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Ang ilang tao ay magaling magsalita at tila nananalig sila sa Diyos nang buong sigla at pananampalataya, kaya bakit wala silang espirituwal na pang-unawa? Makikita mong palagi nilang ginagawa ang kanilang tungkulin nang buong lakas. Palagi silang masigasig, bihirang negatibo, at nagagawa nilang magdusa at magbayad ng halaga. Gayunpaman, hindi nila nauunawaan ang katotohanan at wala silang mga prinsipyo kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay. Ito ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa. Ang mga taong may espirituwal na pang-unawa ay gumagawa ng mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Sa pamamagitan man ng kanilang konsensiya o ng katotohanang nauunawaan nila, kapag nahihirapan sila sa isang isyu, alam nila kung paano ito pamamahalaan ayon sa mga prinsipyo. Hindi sila walang taros na gumagawa ng mga bagay-bagay o sumusunod sa mga regulasyon. Ang mga ito ay ang mga maliwanag na katangian ng mga taong may espirituwal na pang-unawa. Gayunpaman, iyong mga walang espirituwal na pang-unawa ay walang mga katotohanang prinsipyo sa mga bagay na ginagawa nila. Madalas ay walang taros na lang nilang ginagamit ang mga regulasyon. Minsan umaasa sila sa kanilang karanasan, minsan sa kanyang kaloob, at minsan sa kanilang konsensiya, sigasig, o likas na kabutihan. Anuman ang bagay na may espirituwal na pang-unawa ang isang tao, iyon ang bagay kung saan siya matalino at marunong. Alam niyang hanapin ang katotohanan, at alam niya kung sino ang nagsasalita alinsunod sa mga prinsipyo. Iyan ang taong may pinakamalaking espirituwal na pang-unawa. Kung naisasagawa niya ang katotohanan pagkatapos niya itong maunawaan, mayroon siyang pag-asang matatanggap ang kaligtasan mula sa Diyos. Bakit sinasabi na nagtatrabaho pa rin ang ilang taong nananalig sa Diyos nang maraming taon? Ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Mayroong dalawang pangunahing dahilan para hindi maunawaan ang katotohanan. Ang una ay na walang espirituwal pang-unawa sa mga usaping espirituwal ang mga tao, na dahilan para maging imposibleng maunawaan nila ang katotohanan. Ang pangalawa ay tutol sila sa katotohanan at hindi nila mahal ang katotohanan, kaya hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Maraming tao ang nananalig sa Diyos at gumagawa ng mga bagay-bagay dahil sa sigasig, mabubuting layunin, o karanasan. Pinanghahawakan nila ang mga bagay na ito bilang katotohanan, gumagawa ng maraming mabuting bagay at nagagawa nilang ipagpatuloy itong gawin sa buong buhay nila. Pero kaya ba nilang gawin ang mga bagay-bagay sa paraang ito at maabot ang pagkaunawa sa katotohanan? Siguradong hindi. Kahit na buong buhay silang gumawa ng mabubuting bagay, hindi nila magagawang maunawaan ang katotohanan. Kaya, siguradong ang taong hindi nakakaunawa sa katotohanan, pero nakakagawa ng maraming mabuting bagay, ay mabuting tao, tama? Hindi ito sigurado, dahil ang pinakamaliwanag na bunga ng hindi pagkaunawa sa katotohanan ay gumagawa ng masama ang mga tao at lumalaban sila sa Diyos, at sumusunod sila kay Satanas at sa masasamang espiritu sa panghuhusga at pagkondena sa Diyos, gayundin sa paglaban sa gawain ng Diyos. Ito ay dahil ang mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan ay pinakamadaling malilihis at magamit ni Satanas. Ang ilang hindi nakakaunawa sa katotohanan ay maaaring gumawa ng maraming mabuting bagay pero may kakayahan din silang gumawa ng masama at lumaban sa Diyos. Samakatuwid, hindi ibig sabihin na dahil gumagawa ka ng mabubuting bagay sa buong buhay mo ay nagiging isa kang tunay na mabuting tao o na isinasagawa mo ang katotohanan. Kailangan mong tingnan ang likas na katangian ng mabubuting bagay na iyon at tukuyin kung ang mga ito ay alinsunod sa katotohanan o hindi at kung nabibilang sa katotohanang realidad. Kung hindi mo malinaw na nakikita ang mga mahalagang isyung ito, at ginagawa mo pa rin ang mga bagay-bagay batay sa sigasig, mabubuting layunin, at karanasan, ito ba ay pagsunod sa daan ng Diyos? Siguradong hindi, ito ay lubos na pagsandig sa sariling konsensiya bilang pamantayan gayundin sa kanyang mabubuting intensyon sa paggawa ng mga bagay-bagay. Ito ang paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa kanyang kuru-kuro at imahinasyon. Ang mga taong gaya nito ay walang espirituwal na pang-unawa. Sila ay mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan. Ang mga taong hindi malinaw na nakakakita sa mga isyung ito ay mga tao rin na walang espirituwal na pang-unawa.
Tumingin kayo sa paligid, masasabi ba ninyo kung maraming tao sa iglesia ang may espirituwal na pang-unawa at kayang makaunawa sa katotohanan? (Dati, iniisip ko na ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay ang mga taong may kakatwang pang-unawa o na manhid at mapurol, habang nauunawaan ng karamihan ng taong gumagawa ng kanilang tungkulin ay may espirituwal na pang-unawa. Ngayon, pagkatapos makinig sa pagbabahagi ng Diyos, napagtanto ko na ang mga taong nakauunawa ng katotohanan lang ang tunay na may espirituwal na pang-unawa. Nasa minorya sila, habang ang mayorya ng mga tao ay walang espirituwal na pang-unawa.) Sa kasalukuyan, ang mga taong may espirituwal na pang-unawa at nakauunawa sa katotohanan ay nasa minorya, at ang mga walang espirituwal na pang-unawa o hindi nakauunawa sa katotohanan ay nasa mayorya. Halimbawa, paano dapat maintindihan at malaman ng mga tao ang katotohanan ng pagpapasakop? Iniisip ng karamihan ng tao na ang ibig sabihin ng pagpapasakop ay paggawa ng anumang iutos sa kanila at hindi paglaban o pagrerebelde kapag nahaharap sa isang isyu. Para sa kanila, ito ang pagpapasakop. Hindi nauunawaan ng mga tao ang anumang detalye kung bakit gusto ng Diyos na magpasakop sa Kanya ang mga tao, kung ano ang ibig sabihin ng pagpapasakop, kung ano ang prinsipyo ng pagpapasakop, kung paano dapat magpasakop ang isang tao, at kung ano ang mga katiwalian sa mga tao na kailangang lutasin kapag isinasagawa nila ang pagpapasakop; sumusunod lamang sila sa mga regulasyon. Iniisip nila, “Ang ibig sabihin ng pagpapasakop ay kung inutusan kang magluto, huwag kang magwalis, at kung inutusan kang magwalis, huwag kang magpunas ng salamin. Kung inutusan kang gumawa ng isang bagay, gawin mo lang ito. Ganyan kasimple. Huwag mong alalahanin kung ano ang nasa puso mo, dahil hindi tumitingin ang Diyos sa mga bagay na ito.” Sa katunayan, nais ng Diyos na lutasin ng mga tao ang kanilang pagrerebelde at katiwalian kasabay ng kanilang pagpapasakop sa Kanya para maabot nila ang tunay na pagpapasakop. Ito ang katotohanan ng pagpapasakop. Gaano karami ang nauunawaan at nalalaman ng mga tao sa huli? Nauunawaan nila na ang lahat ng ipinapagawa ng Diyos sa mga tao ay isang bagay na dapat nilang gawin. Narito ang mga layunin ng Diyos, at dapat magpasakop sa Kanya ang mga tao nang walang kondisyon. Kung ganito karami ang malalaman ng isang tao, nauunawaan niya ang katotohanan ng pagpapasakop at maisasagawa niya ang pagpapasakop sa Diyos at mapapalugod niya ang Diyos. Gayunpaman, hindi alam ng karamihan ng tao kung ano ang pagpapasakop sa Diyos; ang alam lang nila ay kung paano sumunod sa mga regulasyon. Dahil dito, hindi nila kayang maisakatuparan ang pagpapasakop sa Diyos, dahil hindi nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos o ang katotohanan ng pagpapasakop. Ito ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa. Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay hindi nakauunawa ng katotohanan ng pagpapasakop, kaya mahirap para sa kanilang isagawa ito. Hindi nila mahanap ang daan o ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Ang mga taong walang espirituwal pang-unawa ay walang espirituwal na kaliwanagan. Paano man ibinabahagi ang katotohanan sa kanila, hindi nila ito nauunawaan. Hindi nila alam na ang pagsasagawa ng katotohanan ng pagpapasakop ay ang proseso ng buhay pagpasok. Ang buhay pagpasok ay kung kailan hinihimay at nalalaman ng isang tao ang mga layunin, kuru-kuro, kagustuhan, at pagpiling inihahayag niya sa proseso ng pagtanggap at pagsasagawa ng katotohanan, para maunawaan niya ang sarili niyang mapaghimagsik na kalagayan, mapagtanto niya na siya ay isang taong nagrerebelde at lumalaban sa Diyos, at na lubos na hindi niya makakatugma ang Diyos. Kapag nauunawaan na ito ng mga tao, madali na para sa kanilang isagawa ang katotohanan. Ito ay simula lamang ng pagsasagawa ng katotohanan ng pagpapasakop. Sa prosesong nagsisimula sa pagninilay at pag-unawa mo sa sarili mong tiwaling disposisyon hanggang sa punto kung saan nilulutas mo ang tiwaling disposisyon mo, ang pagrerebelde mo, ang mga labis-labis mong hiling sa Diyos, ang mga kagustuhan, konsiderasyon, at ambisyon mo, paulit-ulit mong matutuklasan ang sarili mong katiwalian, malalaman mo ang mga aspekto kung saan hindi ka katugma ng Diyos at mauunawaan mo ang sarili mong kalikasang diwa. Mapapagtanto mo rin na hindi madali sa mga tao ang magpasakop sa Diyos, na maaaring madaling maunawaan ang doktrina ng pagpapasakop sa Diyos at ang sabihing magiging mapagpasakop ka sa Diyos, pero hindi ito madaling gawin. At ano ang layunin ng Diyos sa paghingi ng pagpapasakop? Ito ba ay para lang ibunyag ang mga tao? Ano ang katotohanan sa hinihingi ng Diyos na pagpapasakop? Ang proseso kung saan nagpapasakop ang mga tao sa Diyos ay isang daan para linisin ng Diyos ang mga tao. Ibig sabihin, ginagamit ng Diyos ang katotohanan ng pagpapasakop para linisin at pigilin ang mga tao at gabayan silang lumapit sa Diyos at kilalanin ang mga sarili nila, para maunawaan nila ang sarili nilang paghihimagsik, ang sarili nilang tiwaling disposisyon, at ang sarili nilang kalikasan na lumalaban sa Diyos. Ito ang ibig sabihin ng maunawaan ang sariling diwa ng isang tao. Ano ang pangwakas na resulta na naisasakatuparan? Nauunawaan ng mga tao ang kapangitan ng lalim ng kanilang katiwalian, nalalaman nila kung ano talaga sila, napapagtanto nila kung ano ang dapat nilang gawin, at kung saan sila dapat tumayo bilang mga nilikha, mayroon silang tunay na pagpapasakop sa Diyos, at hindi na sila gumagawa ng mga hindi makatwirang kahilingan. Ito ang nilalayong resulta na naisasakatuparan. Ito ang ibig sabihin ng pagpasok sa realidad ng katotohanan. Hindi ba’t ito ang mga detalye ng kung ano ang ibig sabihin ng makilala ng isang tao ang kanyang sarili? Hindi ba’t ito ang mga detalyadong isyung napapaloob sa pagpapasakop sa Diyos? Iniisip ba ng mga tao ang mga detalyeng ito kapag naririnig nila ang katotohanan ng pagpapasakop? Hindi, hindi ito kaya ng mga tao. Maisasakatuparan ba nila ang tunay na pagpapasakop sa Diyos kung hindi nila lubos na nauunawaan ang mga detalyeng ito? Kung hindi kaya ng mga tao na maisakatuparan ang pagpapasakop sa Diyos, magagampanan ba nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin bilang mga nilikha? Imposible ito. Ang pagkilala sa mga detalyeng ito tungkol sa sarili ay napakahalaga; ito ang pinakapangunahing aral para matamo ang kaligtasan. Kapag nagpapasakop ka hanggang sa pinakadulo, hindi mo sinasaliksik kung ano ang sinasabi ng Diyos, wala kang mga sarili mong personal na opinyon, at hindi mo sinasabing “Sa palagay ko,” “Nagtataka ako,” “Plano kong gawin ang ganito at ganyan,” o “Dapat kong gawin ang ganito at ganyan.” Wala ka ng lahat ng konsiderasyon, hangarin, at ambisyong ito na mayroong “ko” o “ako.” Nagagawa mong tanggapin ang lahat ng detalye ng kung ano ang sinasabi ng Diyos at nagsasagawa ka ayon sa Kanyang mga salita. Ito ang ibig sabihin ng sundin ang mga utos ng Diyos at sundan ang Kanyang daan. Sa ganitong paraan, natapos na ang proseso ng paglilinis ng Diyos sa iyo. Ang iyong katiwalian ay nalinis na, at ang tunay mong pagkakakilanlan bilang nilikha ay naibalik na. Ito ang ibig sabihin ng hanapin ang iyong lugar at panindigan ito. Kung wala ang mga konsiderasyon, desisyon, at hangaring ito na mayroong “ko” o “ako” para guluhin ka, madali para sa iyo na isagawa ang pagpapasakop. May ilang taong nagsasabi, “Palaging humihingi ang Diyos ng pagpapasakop, pero walang katuturan iyan! Hindi ba’t kailangan kong tumindig para sa sarili ko? Hindi ba’t makatwiran at may katuturan naman ang reklamo ko?” Pagpapasakop ba ito? Nauunawaan ba ng gayong tao ang katotohanan ng pagpapasakop? Hindi nila nauunawaan ang katotohanan ng pagpapasakop, hindi nila alam ang kahulugan ng pagpapasakop, kung ano ang mga obligasyon at responsabilidad nila, o kung ano ang tungkulin nila at kung saan sila dapat lumugar. Minsan medyo mabagsik ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga tao. Kapag nakikinig ang mga tao sa mga ito, nakakaramdam sila ng pagkabalisa at hindi pagiging komportable. Nakakaramdam sila ng kirot sa loob nila, na napipinsala pa nga ang dignidad at integridad nila. Iniisip nila, “Walang pagmamahal, simpatiya, kaluwagan, habag, pagpaparaya, o pagpapatawad ang Diyos sa mga tao. Napakalupit Niya!” Pinahahalagahan ng lahat ng tao ang kanilang dignidad at integridad, at napakahirap para sa kanilang tanggapin kapag napipinsala ang mga bagay na ito. Dahil dito, hindi nila kayang maging mapagpasakop kahit pa gustuhin nila. Sa puso nila, iniisip nila, “Masyadong maraming hinihingi ang Diyos sa mga tao. Ginagawa Niya akong katatawanan at pinapahirapan Niya ako, hindi ba?” Gayunpaman, hindi ito tama. Hindi layunin ng paghiling ng Diyos na magpasakop ang mga tao sa Kanya na pilitin ang sinuman na magpasakop sa Kanya, mas lalong hindi na puwersahin ang sinuman na magpasakop sa Kanya. May mga kondisyon ang kahilingan ng Diyos. Ito ay para sa mga taong may konsensiya at katwiran at kayang tumanggap sa katotohanan at para sa mga nakauunawa sa katotohanan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan at wala kang konsensiya at katwiran, hindi mo kayang tuparin ang mga hinihingi ng Diyos. Sa katunayan, ang lahat ng katotohanang ipinahahayag ng Diyos ay ibinibigay sa mga taong nagmamahal sa katotohanan at kayang tumanggap nito. Hindi humihingi ng anumang bagay ang Diyos sa mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan at tumatanggap nito. Nakakita ka na ba ng sinumang hindi nagsasagawa ng katotohanan na nakakatanggap ng agarang pagdidisiplina o parusa? Hindi ito nangyayari kaninuman. Ang layunin ng Diyos ay ang umasa na ang lahat ng tao ay makatatanggap, makauunawa, at makaaabot sa katotohanan. Ito ang Kanyang layunin. Kung nakikita ng isang tao ang mga salita ng Diyos at nararamdaman niyang hinihingi ng Diyos na gawin niya ang sinasabi ng mga salitang ito, hindi niya ito naunawaan. Samakatuwid, kapag binabasa mo ang mga salita ng Diyos, kailangan mong maunawaan ang Kanyang mga layunin, ang mga pinag-uukulang tagapakinig, at ang kahulugan. Huwag kang gumawa ng mga padalos-dalos na komentaryo sa Kanyang mga salita. Kung palagi kang nagbibigay ng mga sarili mong palusot at walang pagpapasakop, ano ang iisipin ng Diyos sa iyo? Sasabihin ng Diyos na hindi ka nalinis, na hindi ka isang taong nagpapasakop sa Diyos, at na hindi mo isinabuhay ang realidad ng pagpapasakop sa Diyos. Samakatuwid, ang sinasabi mong pagpapasakop ay isang doktrina lang at magiging isang teorya lang magpakailanman. Kung madalas na mayroong mga kuru-kuro ang mga tao sa kanilang puso kapag may nakakaharap silang iba’t ibang tao, usapin, bagay-bagay, at kapaligirang isinaayos ng Diyos, malamang magdadahilan sila at lalaban sa Diyos. Hindi tinataglay ng ganitong tipo ng tao ang katotohanang realidad ng pagpapasakop, at, para sa mga taong ito, ang pagpapasakop ay doktrina lamang at mga salitang walang saysay. Sa anong konteksto maaaring maging mapagpasakop kahit kaunti ang mga taong gaya nito? Kailangang nasa angkop silang kapaligiran na naaayon sa kanilang mga kuru-kuro. Dapat ding mabuti ang lagay ng kalooban nila. Saka pa lang nila maisasagawa ang katotohanan ng pagpapasakop. Kung gayon, ibig sabihin ba nito ay taglay nila ang realidad ng pagpapaskop sa Diyos? Hindi, dahil napakalimitado ng kanilang pagpapasakop. Kailangan nitong umayon sa kanilang mga kuru-kuro at tumugon sa mga kondisyon nila para maging mapagpasakop sila. Kaunti at madalang lang ang mga sitwasyong gaya nito. Kung gayon, ano ba ang itsura ng tunay na pagpapasakop? Hangga’t kinikilala ng isang tao na ito ang katotohanan, hindi siya nagdadahilan o naglalatag ng mga kondisyon at kaya niyang maging mapagpasakop, ito man ay akma o hindi sa mga panlasa o kuru-kuro ng tao. Magpapasakop siya nang hindi nakikipagtalo kahit mamatay pa siya. Ito ang tinatawag na pagiging mapagpasakop hanggang kamatayan. Ito ang pagpapasakop ni Pedro. Ilang tao ang maaaring magkaroon ng pagpapasakop gaya nito? Halos wala. Dapat maunawaan ng mga nananampalataya sa Diyos kung ano ang katotohanan. Ang katotohanan ang daang dapat sundan ng mga tao sa lahat ng lugar at sa lahat ng panahon. Ito ang daan na dapat sundan ng lahat. May kakayahan o kagustuhan man ang mga tao o wala, ang katotohanan ang daang dapat sundan ng buong sangkatauhan—kapwa ng tiwaling sangkatauhan at ng mga hindi nagawang tiwali ni Satanas, kapwa ng sangkatauhan ngayon at sa darating na panahon. At bakit ganito ito? Dahil ang katotohanan ang tamang daan, ang realidad ng lahat ng positibong bagay, na dapat sundin ng lahat ng nilikha. Ano ang dapat mong gawin kapag sumasalungat ang katotohanan sa iyong mga kaisipan, pananaw, o disposisyon? Dapat piliin mong magpasakop. Ito ang katotohanan ng pagpapasakop. Ano ang katotohanan ng pagpapasakop? At ano ang praktikal na bahagi ng katotohanang ito ng pagpapasakop sa Diyos? Gusto mo mang isagawa ang katotohanan o hindi, iniisip mo mang tama ito o mali, anupaman ang maaaring pananaw mo, at paano mo man tinitingnan ang mga salita ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos, dapat mong tanggapin, magpasakop, at isagawa ang mga ito. Ito ang pagpapasakop, gayundin ang katotohanan ng pagpapasakop. Hindi maisasagawa ng mga tao ang katotohanan dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Hindi ito ang kaso na kung hindi maisasagawa ng isang tao ang katotohanan ay hindi ito ang katotohanan o na ito ay nagiging mga salitang walang saysay. Mali at kakatwa ang paniniwalang ito. May ilang nag-iisip, “Kung hindi kaya ng isang taong isagawa ang katotohanan, maaaring katotohanan ito, pero kung walang may kakayahang isagawa ito, hindi ba’t hindi ito ang katotohanan?” Tama ba ang tanong na ito? (Hindi.) Ito ay lohikal na pangangatwiran. Ang katunayan ay hindi nagbabago ang diwa ng katotohanan. Kahit pa hindi mo ito kayang isagawa, ang katotohanan pa rin ang daan na dapat sundan ng mga tao at ang tamang landas. Hindi mo masasabing mali ang katotohanan kung hindi kaya ng isang taong isagawa ito gaano man niya subukan. Ang katotohanan ay tama pa rin kung hindi ito kayang isagawa ng sampung libong tao. Kahit pa walang sinumang kayang magsagawa nito, tama pa rin ang katotohanan. Hindi nagbabago ang katotohanan kailanman. Tanging ang katotohanan lang ang kayang magbigay ng kakayahan sa sangkatauhan na mamuhay nang normal, na mamuhay sa harap ng Diyos, at na matanggap ang Kanyang pagsang-ayon at pagpapala. Ito ang katotohanan at ang resultang maaaring makamit sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan. Saan nanggagaling ang katotohanan? Ang katotohanan ay galing sa Diyos. Ito ay ipinapahayag Niya. Ang Kanyang mga salita ang katotohanan. Ang katotohanan ay ang salita ng Diyos at ang salita ng Diyos ay ang katotohanan. Kung kikilalanin ng mga tao ang katotohanan at maluwag sa kalooban nilang tatanggapin ito, anong mga problema ang dapat lutasin ng mga tao para maging mapagpasakop sila? Dapat nilang lutasin ang lahat ng kanilang tiwaling disposisyon, gayundin ang kanilang mga personal na pagpili, konsiderasyon, plano, at iba pa. Maaari bang agad na isantabi ang mga bagay na ito pagkatapos mong kilalanin ang mga ito? (Hindi.) Sa proseso ng paghahanap o pagsasagawa ng katotohanan ng pagpapasakop, sa pamamagitan ng pananalangin sa Diyos na magsaayos ng mga kapaligiran at mag-angat ng mga tao, pangyayari, at bagay, sa pamamagitan ng pananalangin para sa Kanyang pagtutuwid at pagdidisiplina, sa Kanyang pagkastigo at paghatol, sa Kanyang mga pagsubok at pagpipino, na unti-unting nalulutas ng mga tao ang mga bagay na ito at na sila ay nagiging dalisay—at kapag naging dalisay na ang isang tao, saka lamang niya makakamtan ang ganap na pagpapasakop. Kung may pagpapasakop ka sa proseso ng pagsubok na lutasin ang mga problemang ito, maaaring malutas ang mga ito. Kung hindi ka sumusunod, hindi kailanman malulutas ang mga ito. Sa huli, tanging kapag nalutas na ang lahat ng problemang ito at ikaw ay nadalisay na, na ikaw ay magiging isang tao na mapagpasakop sa Diyos. Bakit Ko sinasabi ito? Nauunawaan ba ninyo ang relasyon dito? Kapag mayroon kang pagpapasakop, ang aspektong ito ng katotohanan ay maaaring maisagawa sa iyo at maging realidad mo. Kapag ipinapamuhay mo ang aspektong ito ng realidad, malulutas ang mga problema mo sa bahaging ito. Ganito ito.
Ano ang wastong paraan para sukatin kung nauunawaan ng isang tao na may espirituwal na pang-unawa? Sapat na bang tingnan lang kung nauunawaan nila ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos? (Hindi.) Ano ang eksaktong ibig sabihin ng pagkakaroon ng espirituwal na pag-unawa? Ito ay kapag nauunawaan ng isang tao ang mga salita ng Diyos, at kapag nauunawaan at naaarok niya ang mga sermon at pagbabahaginan nang lubos, at nauunawaan niya ang mga salita ng mga sermon at pagbabahaginan nang walang karagdagang paliwanag kahit na hindi malinaw na naisalaysay ang mga ito. Kahit na ang kahulugan ng mga sermon at pagbabahagi ay hindi lubos na naipaliwanag, matutuklasan at malalaman pa rin ng taong ito kung ano ang ibig sabihin nito. Ang ganitong uri ng tao ay isang may espirituwal na pang-unawa. Ang mga taong hindi nakakaunawa ng mga salita ng Diyos o nakakaunawa ng mga sermon at pagbabahagi, na palaging mali ang pagkaunawa sa mga bagay na ito at na ang pakiramdam ay may mga hindi pagkakatugma sa mga bagay na ito—walang espirituwal na pang-unawa ang mga ganitong uri ng mga tao. Para sa mga taong walang espirituwal na pang-unawa, hindi nila magagawang lubos na maunawaan ang katotohanan, kahit na malinaw kang magbahagi sa kanila ng tungkol dito. Para sa kanila, sapat na ang magawang maunawaan ang mga doktrina at masunod ang mga regulasyon. Samakatuwid, hindi madali para sa taong walang espirituwal na pang-unawa na maunawaan ang katotohanan. Gayunpaman, kung hindi hinahangad o inuunawa ng isang taong mayroong espirituwal na pang-unawa ang katotohanan, siya ay wala talagang pinagkaiba sa isang taong walang espirituwal na pang-unawa. Samakatuwid, napakahalagang maunawaan ang katotohanan. Mayroon man o walang espirituwal na pang-unawa ang isang tao, dapat niyang pagsikapang makamit ang katotohanan. Habang mas lubusan niyang nauunawaan ang katotohanan, mas lalo siyang makikinabang. Hindi lamang niya magagawang malinaw na makita ang mga bagay-bagay, kundi magagawa rin niyang piliin ang tamang landas. Samakatuwid, kung nais ng isang taong hangarin ang katotohanan, sa isang banda, dapat niyang panabikan ang mga salita ng Diyos, pagsikapan ang mga salita Niya, at matutunang pagnilayan ang mga ito, magdasal-magbasa ng mga ito, makipagbahaginan tungkol dito, at maghanap sa mga ito. At ano ang pinakamahalagang bagay? Dapat nilang isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos. Tanging kapag nagawa at naranasan mo ang mga salitang ito, at naging realidad mo ang mga salita ng Diyos, na tunay mong mauunawaan kung ano ang tinutukoy ng mga salita Niya at ano ang mga katotohanang eksaktong nilalaman ng mga ito. Kapag naunawaan mo ang katotohanan, likas kang magkakaroon ng espirituwal na pang-unawa. Pero ang magkamit ng espirituwal na pang-unawa ay hindi ang layunin. Ano ang layunin? Ang layunin ay ang isagawa ang katotohanan at unawain ang katotohanan. Kung ang isang tao ay mayroong daang pasulong kapag isinasagawa niya ang mga salita ng Diyos, at alam kung ano ang gagawin, at, dahil naisagawa niya ang Kanyang mga salita, nauunawaan niya ang mga katotohanang naroroon, at alam ang mga relasyon at prinsipyo ng pagsasagawa na naroroon, iyan ay isang taong may espirituwal na pang-unawa na naisakatuparan ang mga epekto ng pagkaunawa sa katotohanan. Kung mayroong espirituwal na pang-unawa ang isang tao ay konektado sa kung nauunawaan at nakakamit niya ang katotohanan, kaya para sa mga mananampalataya ng Diyos, kung may espirituwal na pang-unawa man o wala ang isang tao isang napakahalagang isyu, isang isyung direktang nakakaapekto sa kakayahan ng isang taong makaunawa sa katotohanan. Halimbawa, hinihingi ng Diyos ang pagpapasakop ng tao, pero saan eksakto dapat magpasakop ang tao? Saan magpapasakop? (Ang katotohanan at ang salita ng Diyos.) Magpasakop sa katotohanan at sa salita ng Diyos. Sa mga mas konkretong salita, ang ibig sabihin nito ay magpasakop sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao; magpasakop sa mga kapaligiran sa totoong buhay, sa mga tao, usapin, at bagay na isinasaayos ng Diyos para sa mga tao; at magpasakop sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao sa iba’t iba nilang tungkulin. Lalo pa nating ipagpatuloy: Ano pa ang saklaw ng realidad ng pagpapasakop? (Ang pagpapasakop sa mga gawain ng pagsasaayos ng Itaas.) Iyan ay bahagi nito. Ano pa? (Ang pagpapasakop sa bawat tungkuling isinasaayos ng sambahayan ng Diyos para sa atin.) Ang mga tungkulin ay napakahalagang usapin para sa mga mananampalataya sa Diyos, at kung maayos na magagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin ay may kaugnayan sa kung taglay niya ang katotohanang realidad. Mayroon pang isang bahagi nito: ang pamantayan ng pag-uugaling hinihingi ng Diyos sa mga tao. Napakahalaga rin nito. Ano ang kalakip ng pag-uugali ng isang tao? Kalakip nito ang pagtrato ng isang tao sa kanyang mga kapatid, ang pagtrato niya sa salapi, at ang pagtrato niya sa kanyang mga inaasahan, sa pag-aasawa, mga pagkagiliw, at kasiyahan ng laman. Ang paghahanap ng katotohanan sa lahat ng iba’t ibang usaping ito, ang pagkilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos, ang paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, at ang pagsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan sa pagsasagawa at pamumuhay ng isang tao—ang lahat ng ito ay pagpapasakop. Ang lahat ng ito ay ang realidad ng pagpapasakop. Halimbawa, may ilang taong naniniwala na ang pagtrato ng isang tao sa mga kapatid niya ay walang kaugnayan sa katotohanan ng pagpapasakop. Tama ba ang pananaw na ito? Ito ay may kaugnayan sa kung paano kumikilos ang isang tao. Isang prinsipyo ba ng pag-uugali ng tao na palaging mang-api ng kapatid na hindi mo gusto, palaging nagsasalita nang masakit sa kanya? (Hindi.) Paanong pagtrato sa iba ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Hinihingi Niyang itrato natin nang patas ang mga tao.) Ano ang ibig sabihin ng pagiging patas? Ang ibig sabihin nito ay pagtrato sa mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ayon sa kanilang panlabas na anyo, pagkakakilanlan, katayuan, kung gaano sila karunong, o sa mga sariling kagustuhan o damdamin ng isang tao sa kanila. Bakit patas na tratuhin ang mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Marami ang hindi nakakaunawa nito, at kailangan nilang maunawaan ang katotohanan para magawa ito. Ang pagiging patas ba gaya ng naunawaan ng mga walang pananampalataya ay tunay na pagiging patas? Tiyak na hindi. Sa Diyos lamang maaaring magkaroon ng pagiging matuwid at pagiging patas. Sa mga hinihingi lamang ng Lumikha sa Kanyang mga nilikha mayroong pagiging patas, na ang pagiging matuwid ng Diyos ay maibubunyag. Samakatuwid, ang pagiging patas ay maaari lamang manggaling sa pagtrato sa mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ano ang dapat mong hingin sa mga tao sa iglesia at paano mo sila dapat tratuhin? Anumang tungkulin ang kaya nilang gampanan ay ang dapat isaayos para kanilang gampanan—at kung hindi nila kayang gumanap ng isang tungkulin, at nagdudulot pa nga ng mga kaguluhan, kung nararapat silang paalisin, dapat silang paalisin, kahit na may mabuti silang relasyon sa iyo. Ito ang pagiging patas, ito ang nakapaloob sa mga prinsipyo ng patas na pagtrato sa iba. May kaugnayan ito sa mga prinsipyo ng pag-uugali. Ang isang aspekto ng katotohanan ng pagpapasakop ay may kaugnayan sa pagganap ng tungkulin ng isang tao. Ang isa pa ay may kaugnayan sa kung paano sinusunod at tinatrato ng mga tao ang isyu tuwing may dumarating na sakuna at karamdaman, at kung paano sila naninindigan sa kanilang patotoo. Higit diyan, nariyan ang aspekto ng pag-uugali ng mga tao. Ang pinakamahalaga, dapat silang magsikap na maging tapat na tao at magkaroon ng konsensiya at katwiran. Dapat din silang mabuhay, at kumain, magdamit, sumilong, at mamasyal bilang isang normal na tao. Pagdating sa kalidad ng buhay, ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Makontento sa pagkain at damit.) Iyan ang hinihingi ng Diyos para sa mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ano ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao sa kasalukuyang kapanahunan? May mga hinihingi ang Diyos para sa pagkain, pananamit, tirahan, at paraan ng transportasyon ng mga tao; para sa kanilang pananalita at asal; at para sa kanilang paraan ng pananamit. Hindi Niya hinihingi sa iyo na maging asetiko ka, hindi rin Niya hinihingi sa iyo na magpakasasa ka sa kaaliwan ng laman. Ang katamaran, pagpapakasasa sa kaaliwan ng laman, at paghahanap ng kasiyahan ay mga hindi hinihingi ng Diyos. Ano ang mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos? Hinihingi Niya na maging lubos kang tapat, maingat, responsable sa iyong mga tungkulin, na nagdurusa at nagbabayad ka ng halaga, na nagtatrabaho ka nang masipag at hindi nagiging tamad. Mayroon ding mga pamantayan ang Diyos sa Kanyang mga hinihingi para sa iyong mga saloobin tungkol sa salapi, sa mundo, sa masasamang uso, at ang saloobin sa pagtrato mo sa mga walang pananampalatayang may kaugnayan sa iyo, at may katotohanang matatagpuan sa mga hinihinging ito. Ang bawat isa sa malalaking kategoryang ito ay may mga katotohanang dapat isagawa at ipagpasakop ng mga tao. May ilang taong nagpapakasasa sa kaaliwan, at nasisiyahan sila sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya. Gustung-gusto nilang palayawin ang mga pagnanasa ng kanilang laman at sundin ang mga uso. Kapag nakikita nila kung paano nagsasaya ang mga tao sa lipunan, gusto nilang sumama, at ang puso nila ay palaging nasa mundo sa labas. Maayos ba nilang magagampanan ang kanilang tungkulin? (Hindi.) Kapag nakikita nila ang mga walang pananampalataya sa kanilang magagandang kasuotan, may ilang taong ang tingin sa mga isinusuot nila bilang mga mananampalataya sa Diyos ay masyadong simple, at dahil palaging nag-aalala na mababa ang tingin sa kanila, ginagawa nilang balisa ang sarili nila. Nakikita ng iba ang mga bagong mag-asawa na namumuhay sa mga sarili nilang maliit na mundo, at nakakaramdam sila ng kalungkutan at pag-iisa. Palagi silang nasasaktan sa mga usaping ito, at hindi nila hinahanap ang katotohanan, ni hindi sila lumalapit sa Diyos. Maayos ba nilang magagampanan ang kanilang tungkulin? (Hindi.) Kahit na hindi kapansin-pansin ang mga bagay na ito, at kahit na parang hindi kinapapalooban ang mga ito ng mga maliwanag na katotohanan, nauugnay ang mga ito sa mga pinakasimpleng katotohanan tungkol sa mga hinihingi ng Diyos sa tao. Kung hindi kaya ng isang taong pagtagumpayan at pigilan ang mga problemang ito, at kung ang mga bagay na ito ay palaging pang-aabala sa kanila at hinahadlangan ang paniniwala nila sa Diyos at ang pagganap nila sa kanilang tungkulin, magiging medyo mahirap para sa kanila ang magsimula sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos.
Ang bawat aspekto ng katotohanan, mula sa pinakasimple hanggang sa mga medyo malalim, ay ang katotohanan. Walang pagkakaiba ang mabababaw at malalalim na katotohanan; ang pagkakaiba ay nasa kung ano ang mga katotohanang dapat isagawa ng mga tao sa mga partikular na pangyayari. Ang ilang katotohanan ay may kaugnayan sa mga tungkulin ng mga tao; ang ilan ay may kaugnayan sa pang-araw-araw nilang buhay, halimbawa, sa kanilang mga kinagawian, mga panuntunan, at mga kagustuhan; at ang ilan ay may kaugnayan sa mga kapaligiran, mga tao, mga pangyayari at mga bagay na isinasaayos ng Diyos para sa tao. Anuman ang problema, may kinalaman man ito o wala sa pang-araw-araw na buhay o tungkulin, at gaano man kalaki o kaliit ang usaping tinatalakay ng problema, kung seryoso mo itong tatratuhin, kung hahanapin mo ang katotohanan, kung kikilos ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at kung magsasagawa ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hinahangad mo ang katotohanan. Ang ilang tao ay nakikinig sa mga sermon nang ilang taon at sa halip na pagtuunan nila ng pansin ang pagsasagawa ng katotohanan, nakatuon lamang sila sa pakikinig ng mga sermong hindi pa nila naririnig noon. Palagi nilang gustong pakinggan ang ilan sa wika at mga misteryo ng pangatlong langit, at palaging nangangaral ng mga matatayog na sermon sa iba. Kapag nakikita nila na hindi ito nauunawaan ng mga taong ito, labis silang nasisiyahan sa sarili nila. Lampas pa ito sa katwiran. Ano ang saysay ng pagsasalita tungkol sa mga bagay na iyon na walang kabuluhan? Kung ang ipinapangaral mo ay walang kaugnayan sa tungkulin ng tao, sa mga kalagayan at tiwaling disposisyon na nabubunyag sa pang-araw-araw na buhay ng tao; kung ito ay hindi konektado sa buhay ng mga tao, sa pagpasok nila, at sa tungkulin nila; kung wala itong kaugnayan sa mga kalagayang naipapamalas at nabubunyag sa pang-araw-araw nilang mga buhay; ang ipinapangaral mo ay walang iba kundi doktrina at mga regulasyon, hindi ang katotohanan. Maraming tao ang nag-iisip na nauunawaan nila ang katotohanan pagkatapos makinig ng napakaraming sermon. Ibinubuod nila mula sa mga sermong ito ang ilang doktrina at panuntunan, madalas nangangaral sa mga tao at nakikipagbahaginan sa kanila, pero hindi nila alam kung paano haharapin ang mga problema o paghihirap kapag lumilitaw ang mga ito. Kaya bakit hindi nagagawang lumutas ng anumang totoong problema ang doktrinang nauunawaan nila? Pinapatunayan nito na hindi pa rin nila nauunawaan ang katotohanan. May ilang taong maraming taon nang nangangaral ng mga salita at doktrina, pero kapag hiningi sa kanilang magbahagi tungkol sa katotohanan at lumutas ng mga problema, hindi nila ito kayang gawin. Kapag hiningi sa kanilang sumulat tungkol sa mga patotoo nilang batay sa karanasan, hindi nila ito kayang gawin, at kapag may bagay na kinakaharap ang isang tao at humingi ito ng tulong sa kanila, hindi nila ito maiibigay sa kanya. Anong uri ng tao ito? Hindi nauunawaan ng mga taong gaya nito ang katotohanan, ni hindi wala silang espirituwal na pang-unawa. Kaawa-awa sila! Mayabang na salita at malalakas na sigaw; isang pagtutok sa kaalaman at doktrina at teolohiya, sa paglalaan para sa sarili ng mga bagay na wala ang iba, sa pag-aaral ng mga bagay na hindi pa naririnig ng iba; o isang pagtutok sa pagsasaulo ng mga bagay-bagay at pagkuha ng pagsamba at paghanga ng iba—matatamo ba ang espirituwal na pang-unawa sa pamamagitan ng mga bagay na ito? (Hindi.) At mauunawaan ba ng mga taong hindi kayang magkamit ng espirituwal na pang-unawa ang katotohanan? (Hindi.) Samakatuwid, ang espirituwal na pang-unawa ay may kaugnayan sa pag-unawa ng katotohanan. Gaano karaming taon mang nanalig sa Diyos ang isang tao, walang ibang makapagbubunyag kung mayroon siyang espirituwal na pang-unawa nang higit kaysa sa kung nauunawaan niya ang katotohanan. Madaling mauunawaan ng mga taong may espirituwal na pang-unawa ang salita ng Diyos, at madali nilang mauunawaan ang katotohanan kapag nakikinig sila ng mga sermon. Ang mga taong nakakaunawa ng katotohanan ay mga taong may espirituwal na pang-unawa, at habang hinahanap ng mga taong may espirituwal na pang-unawa ang katotohanan, madali silang papasok sa katotohanang realidad.
Oktubre 5, 2020