Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ibinebenta pa nga ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikasiyam na Bahagi)
II. Mga Interes ng mga Anticristo
D. Ang Kanilang mga Inaasam at Hantungan
4. Kung Paano Itinuturing ng mga Anticristo ang Titulong “Tagapagserbisyo”
Ngayon ay magpapatuloy tayong magbahaginan tungkol sa ikasiyam na aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo: Ginagawa nila ang kanilang tungkulin para lamang maging tanyag sila at maisakatuparan ang kanilang sariling mga interes at ambisyon; hindi Nila iniisip kailanman ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ipinagpapalit pa ang mga interes na iyon para sa kanilang personal na kaluwalhatian. Sa aytem na ito, ang pangunahing paksa ng ating pagbabahaginan ay isang paghihimay sa mga interes ng mga anticristo, at ngayon ay magbabahaginan tayo sa ikaapat na sub-paksa sa loob ng ikaapat na aytem ng mga interes ng mga anticristo—kung paano nila itinuturing ang titulong “tagapagserbisyo”—at hihimay-himayin kung paano itinuturing ng mga anticristo ang titulong ito. Ang mga sumusunod sa Diyos hanggang ngayon ay pamilyar na sa salitang “tagapagserbisyo,” at tinanggap na ng karamihan sa kanila ang titulong ito sa kanilang puso. Batay sa kanilang mga pansariling kagustuhan, walang pagtutol sa titulong ito. Gayumpaman, pagdating sa mga detalye ng pagsasabi na ang isang tao ay isang tagapagserbisyo, pangunahing nagpapahayag ang taong iyon ng pag-aatubili at kawalan ng kagustuhan, pagkaagrabyado, pag-ayaw talaga na matawag nang ganito at maging isang tagapagserbisyo. Batay sa mga ekspresyon ng mga tao, bagamat sumasang-ayon sila na hindi masamang titulo ang “tagapagserbisyo” sa kanilang personal na kagustuhan, mula sa isang obhetibong pespektiba, itinuturing pa rin ng mga tao ang titulong “tagapagserbisyo” nang may ilang elemento ng diskriminasyon, pagkamapanlaban, at maging ng kawalan ng kagustuhan—mayroon silang mga ganitong sentimyento tungkol dito. Anuman ang tingin ng mga tao sa titulong “tagapagserbisyo,” kung matatanggap man nila ito o hindi nang taos-puso at kung kaya man nilang maging isang tagapagserbisyo, o kung may kasamang maraming karumihan at kahilingan ang iniisip nila tungkol sa titulong ito o wala, pagbabahaginan muna natin ngayon kung ano nga ba ang isang tagapagserbisyo, kung paano nga ba tinutukoy at ikinaklasipika ang titulong “tagapagserbisyo” sa mga mata ng Diyos, kung ano ang diwa ng mga tagapagserbisyong ito na binabanggit ng Diyos, at kung paano itinuturing ng Diyos ang salitang “tagapagserbisyo” at kung paano iyon naiiba sa kung paano ito itinuturing ng mga tao, nang sa gayon ay magkaroon kayong lahat ng tumpak na pagkaunawa at konsepto sa puso ninyo ukol sa titulong “tagapagserbisyo.”
a. Ang Depinisyon at Pinagmulan ng Titulong “Tagapagserbisyo”
Ang salitang “tagapagserbisyo” ay literal na nangangahulugan na isang tao na gumagawa at nagsusumikap para sa isang bagay. Kung susukatin natin ang titulong ito batay sa posisyon, tumutukoy ito sa isang tao na pansamantalang ginagamit. Ibig sabihin, kung itinuturing ang isang tao bilang isang tagapagserbisyo at nagsisimula siyang gumawa ng isang trabaho o tumanggap ng gawain sa isang industriya, kung gayon ay hindi ito isang pangmatagalang propesyon sa industriya o trabaho na kanilang isinasagawa, kundi pansamantala lamang ito. Pansamantala silang pinaggugugol ng pagsisikap at pinagseserbisyo sa industriya o trabahong ito sa loob ng ilang panahon. Wala silang magagandang oportunidad, walang kinabukasan, at walang natatanggap na anumang materyal na benepisyo. Hindi nila kailangang pumasan ng anumang responsabilidad; binabayaran lang sila para sa kanilang pagtatrabaho. Kapag natapos na ang trabahong itinalaga sa kanila, hindi na sila kailangan, at kukunin lang nila ang kanilang sahod at aalis na sila. Sa madaling salita, pansamantala lang ito, at pinagtatrabaho lamang sila kapag kinakailangan. Ito ang literal na pagkaunawa sa isang tagapagserbisyo. Kung bibigyang-pakahulugan natin ang salitang “tagapagserbisyo” ayon sa mga ideya ng sangkatauhan, ang mga tagapagserbisyo ay tinutukoy bilang “mga kontraktuwal na manggagawa” at “mga pansamantalang manggagawa,” mga taong pansamantalang nagtatrabaho o gumugugol ng pagsisikap para sa isang trabaho o industriya. Ang tanging koneksiyon nila ay sa panahon kung kailan kinakailangan sila para sa isang trabaho, at kapag natapos na ang panahong iyon, wala na silang halaga. Ito ay dahil hindi na sila kailangan, at hindi na sila mapapakinabangan—naubos na ang kanilang halaga sa panahong iyon. Ito ang literal na kahulugan na nauunawaan at nakikita ng mga tao patungkol sa salitang “tagapagserbisyo.” Sa loob ng kahulugan na kayang ipahayag ng wika ng tao, ibig sabihin, ang kahulugan ng titulong “tagapagserbisyo” ayon sa sinabi ng Diyos na kayang maarok ng mga tao, mayroon bang antas ng kahulugan na naaayon sa katotohanan? Mayroon bang antas ng kahulugan na tumutugon sa normal na pagkatao at pagkamakatwiran? Mayroon bang antas ng kahulugan na dapat maunawaan ng mga tao bilang mga tunay na nilikha? Mayroon bang antas ng kahulugan tungkol sa kung paano tinatrato ng Diyos ang titulong ito? (Wala.) Paano ninyo nalalaman na wala? Natitigilan kayo, hindi ninyo ito maipaliwanag. May mga estudyante sa unibersidad sa inyo, mga graduate student, mga estudyante sa doktoral, at mga propesor, pero wala ni isa sa inyo ang makapagpaliwanag nito nang malinaw, tama ba? (Oo, tama.) Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng kaalaman at ng katotohanan. Maaring edukado ka, maaring alam mo ang mga indibidwal na termino na “serbisyo” at “tagagawa,” at kapag pinagsama ang mga salitang ito para bumuo ng isang salita, para ilarawan ang isang uri ng tao at isang grupo ng mga tao, mauunawaan mo ang diwa ng mga taong ito, ang kanilang mga pagpapamalas, at ang kanilang ranggo sa gitna ng sangkatauhan, ngunit kapag hindi mo maunawaan ang salitang ito mula sa perspektiba ng katotohanan at sa perspektiba ng isang nilikha, saan ba mismo nanggagaling ang iyong pang-unawa? Ano ba ang mismong diwa ng salitang ito na nauunawaan mo? Hindi ba’t ito ay isang pagkaunawa sa salitang “tagapagserbisyo” na nagmula sa tiwaling sangkatauhang ito, sa lipunang ito, at sa kaalaman ng sangkatauhan? (Oo, ganoon nga.) Ang kaalaman ba ng tao ay kaayon o kontra sa katotohanan? (Ito ay kontra sa katotohanan.) Kung gayon, kapag mayroon kang ganitong pagkaunawa at pagkaarok sa salitang ito, sumasalungat ka ba sa Diyos o umaayon sa Diyos? Malinaw na kapag nauunawaan at naaarok mo ang salitang ito gamit ang iyong kaalaman, ang iyong isipan, hindi mo sinasadya at hindi mo namamalayang sumasalungat ka sa Diyos. Kapag ginagamit mo ang iyong kaalaman para unawain ang salitang ito, hindi maiiwasang makakaramdam ka ng paglaban, pagkasuklam, pagkayamot, at maging ng pagkapoot sa salitang “tagapagserbisyo.” Mayroon bang anumang pagpapasakop dito? Mayroon bang tunay na pagtanggap? (Wala.) Sinasabi ng ilang tao: “Tinatanggap ko ang magagandang salita, pero bakit dapat kong tanggapin ang masamang salitang ito? Sapat na iyong hindi ako nakakaramdam ng pagtutol dito. Halimbawa, tinatanggap ko ang mga positibong termino tulad ng ‘pagtanggap ng korona,’ ‘pagtanggap ng mga gantimpala,’ ‘pagiging pinagpala,’ ‘pagpasok sa kaharian,’ ‘pag-akyat sa langit,’ ‘hindi pagpunta sa impiyerno,’ ‘hindi napaparusahan,’ at ‘pagiging panganay na anak na lalaki.’ Natural lang ito, ito ang ordinaryong tugon ng tao, at ito ang mga bagay na dapat hangarin ng mga tao. Para naman sa mga negatibong termino tulad ng ‘masasamang tao,’ ‘mga anticristo,’ ‘napaparusahan,’ at ‘napupunta sa impiyerno,’ walang sinumang gustong tumanggap ng mga iyon. Ang salitang ‘tagapagserbisyo’ ay nyutral, pero ayon sa pagkakaintindi ko, hindi ko ito matatanggap, at sapat na para sa akin na hindi ito kamuhian. Kung kailangan ko itong tanggapin nang kusang-loob at magpasakop dito at tanggapin ito mula sa Diyos, hindi talaga iyon posible.” Hindi ba’t ganito mag-isip ang mga tao? (Oo, ganito nga.) Tama ba o mali ang ganitong paraan ng pag-iisip? (Mali ito.) Kailan mo nalaman na mali ito? Ngayon lang, hindi ba? Problema iyan. Ngayon mo lang nalaman na mali ito. Bago mo ito napagtanto, mukhang tinanggap mo na ang titulong “tagapagserbisyo” sa panlabas, at personal mo na itong tinanggap—at totoo ba ang pagtanggap na ito o huwad? (Huwad ito.) Malinaw na hindi ito totoo, at hindi ka rin lubos na handang tanggapin ito. Mayroong pagiging huwad, pagkukunwari, at kawalan ng nais dito, at may pakiramdam din na wala ka nang ibang pagpipilian.
Ang pinagbahaginan natin ngayon lang ay ang tunay na mga reaksiyon at pagpapamalas ng mga tao patungkol sa titulong “tagapagserbisyo,” at ganap nitong ipinapakita ang mga opinyon, pananaw, at pagkaarok ng mga tao tungkol sa titulong ito, ganap na ibinubunyag na ang saloobin ng mga tao sa titulong ito ay kawalan ng nais, diskriminasyon at pagkasuklam, at pagtutol mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Ito ay dahil kinamumuhian ng mga tao ang pagiging tagapagserbisyo, kinamumuhian nila ang salitang “tagapagserbisyo,” hindi sila handang maging tagapagserbisyo, at ayaw na ayaw nilang maging tagapagserbisyo. Ito ang pagkaunawa at saloobin ng mga tao tungkol sa titulong ito. Ngayon, tingnan natin kung ano nga ba mismo ang tingin ng Diyos sa mga tagapagserbisyo, kung paano nagkaroon ng salitang “tagapagserbisyo,” kung ano ang diwa ng titulong ito sa mga mata ng Diyos, at kung ano ang pinagmulan nito. Ang literal na kahulugan ng “tagapagserbisyo,” kung sa wika ng sangkatauhan, ay isang pansamantalang manggagawa, isang tao na pansamantalang naglilingkod sa isang industriya o trabaho, at isang tao na kailangan lang pansamantala. Sa plano ng pamamahala ng Diyos, sa gawain ng Diyos, at sa sambahayan ng Diyos, ang grupong ito ng mga tao na tinatawag na tagapagserbisyo ay kailangang-kailangan. Nang dumating ang mga taong ito sa sambahayan ng Diyos, sa lugar ng gawain ng Diyos, wala silang alam tungkol sa Diyos o sa pananalig sa Diyos, lalong wala silang alam tungkol sa gawain ng Diyos o sa Kanyang plano ng pamamahala. Wala silang nauunawaan; sila ay mga tagalabas lamang, mga walang pananampalataya. Kapag dumating sa sambahayan ng Diyos ang mga taong walang pananampalataya sa mga mata ng Diyos, ano ang magagawa nila para sa Kanya? Maaaring masabi na wala silang anumang magagawa. Dahil puno ng tiwaling disposisyon ang mga tao at hindi talaga nila kilala ang Diyos, at dahil sa kalikasang diwa ng mga tao, ang tanging magagawa nila ay gawin ang anumang itinuturo ng Diyos sa kanila. Sinusunod nila ang gawain ng Diyos hanggang sa anumang punto ito umaabot, ang kanilang kaalaman ay umaabot lamang hanggang sa kung saan sila dinadala ng mga salita ng Diyos; alam lamang nila ang Kanyang mga salita, at wala silang nauunawaan sa mga ito kahit kaunti. Pasibong nakikipagtulungan ang mga taong ito sa bawat trabahong ipinapagawa sa kanila ng Diyos—ganap silang pasibo, at hindi aktibo. Dito, ang ibig sabihin ng “pasibo” ay na hindi nila alam kung ano ang gagawin ng Diyos, hindi nila alam kung ano ang ipinapagawa sa kanila ng Diyos, hindi nila alam ang katuturan o halaga ng gawaing ipinapagawa sa kanila ng Diyos, at hindi nila alam kung anong landas ang dapat nilang sinusunod. Pagdating sa sambahayan ng Diyos, para silang mga makina na gumagana lamang ayon sa kung paano sila pinapatakbo ng Diyos. Ano ang kailangan ng Diyos mula sa kanila? Alam ba ninyo? (Ang mga tao ay pakay ng pagpapahayag ng Diyos sa katotohanan para humatol. Ang mga tao ang mga pakay ng mga salita ng Diyos.) Isang parte ito; ang mga tao ay pakay ng mga salita ng Diyos. Ano pa? Paano naman ang mga kaloob ng tao? (Oo.) Paano naman ang pag-iisip ng normal na pagkatao? (Oo.) Gagamitin ka lang ng Diyos kung taglay mo ang pag-iisip ng normal na pagkatao. Kung wala kang konsensiya at katwiran, hindi ka kuwalipikado na maging tagapagserbisyo man lang. Ano pa ba? (Mga kasanayan at espesyal na talento ng mga tao.) Kasama ang mga ito sa mga kaloob at parte na rin nito—ang iba’t ibang kasanayang taglay ng mga tao. Ano pa? (Ang determinasyon na makipagtulungan sa Diyos.) Parte rin ito nito, ang adhikain na sumunod at magpasakop, at siyempre, masasabi rin na pagnanais ng mga tao na mahalin ang mga positibong bagay at mahalin ang liwanag. Ang adhikain na sumunod at magpasakop ay ang determinasyon na makipagtulungan sa Diyos, ngunit alin ang pinakaangkop na paraan para sabihin ito? (Ang adhikain na sumunod at magpasakop.) Tama, ang salitang “adhikain” ay mas malawak at mas malaki ang nasasaklaw. Kung gagamitin natin ang salitang “determinasyon,” medyo mas makitid ang saklaw. Bukod dito, ang “adhikain” ay mas magaan kaysa sa “determinasyon,” na nangangahulugan na pagkatapos mong magkaroon ng adhikain, unti-unti kang nagkakaroon ng iba’t ibang determinasyon; ang mga determinasyon ay mas partikular, samantalang ang mga adhikain ay mas malawak. Para sa Lumikha, ito ang ilang bagay na kailangan ng Diyos mula sa tiwaling sangkatauhan. Ibig sabihin, kapag ang isang tagalabas na lubos na walang alam tungkol sa Diyos, sa pamamahala ng Diyos, sa diwa ng Diyos, sa mga pagbigkas ng Diyos, at sa disposisyon ng Diyos ay dumating sa sambahayan ng Diyos, para siyang isang makina, at ang kaya niyang gawin para sa Diyos at sa pakikipagtulungan niya sa gawain ng Diyos ay talagang walang kinalaman sa pamantayan na hinihingi ng Diyos—ang katotohanan. Ang mga bagay ng mga ganitong tao na maaaring gamitin ng Diyos ay ang mga bagay na nabanggit na: Una, ang mga taong ito ay maaaring maging pakay ng mga salita ng Diyos; pangalawa, ang mga kaloob na taglay ng mga taong ito; pangatlo, na taglay ng mga taong ito ang pag-iisip ng normal na pagkatao; pang-apat, ang iba’t ibang kasanayan na taglay ng mga taong ito; panglima—at ito ang pinakamahalaga—ang mga taong ito ay may adhikang sumunod at magpasakop sa mga salita ng Diyos. Lahat ng bagay na ito ay napakahalaga. Kapag taglay na ng isang tao ang lahat ng bagay na ito, nagsisimula na siyang maglingkod sa gawain ng Diyos at sa plano ng pamamahala ng Diyos, at opisyal na tumahak sa tamang landas, ibig sabihin, opisyal na siyang naging isang tagapagserbisyo sa sambahayan ng Diyos.
Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan, o ang mga layunin ng Diyos, at wala silang takot sa Diyos kahit kaunti, wala na silang magiging ibang papel kundi ang maging tagapagserbisyo. Ibig sabihin, ikaw ay isang tagapagserbisyo, gusto mo man o hindi—hindi mo matatakasan ang titulong ito. Sinasabi ng ilang tao: “Nananampalataya ako sa Diyos buong buhay ko. Simula nang manampalataya ako kay Jesus hanggang ngayon, ilang dekada na ang lumipas—talaga bang isa pa rin akong tagapagserbisyo?” Ano ang tingin mo sa katanungang ito? Sino ba ang tinatanong nila tungkol dito? Dapat nilang tanungin at pagnilayan ang kanilang sarili: “Nauunawaan ko na ba ngayon ang mga layunin ng Diyos? Kapag ginagawa ko ang tungkulin ko ngayon, nagsusumikap lang ba ako o isinasagawa ko ba ang katotohanan? Sinusunod ko ba ang landas ng paghahangad at pag-unawa sa katotohanan? Nakapasok na ba ako sa katotohanang realidad? Mayroon ba akong may-takot-sa-Diyos na puso? Ako ba ay isang taong nagpapasakop sa Diyos?” Dapat nilang pagnilayan ang kanilang sarili kaugnay sa mga bagay na ito. Kung naabot na nila ang mga pamantayang ito, kung kaya nilang manindigan kapag nahaharap sa mga pagsubok ng Diyos, at kung kaya nilang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, siyempre, hindi na sila isang tagapagserbisyo. Kung hindi nila naabot ang ni isa sa mga pamantayang ito, walang duda na nananatili silang isang tagapagserbisyo, at ito ay isang bagay na hindi matatakasan o maiiwasan. Sinasabi ng ilang tao: “Nananampalataya ako sa Diyos nang higit 30 taon, hindi pa kasama roon ang mga taon na ginugol ko sa pananampalataya kay Jesus. Simula nang magkatawang-tao, magpakita, gumawa ang Diyos, at magsalita ng Kanyang mga pagbigkas, naging tagasunod na ako ng Diyos. Kasama ako sa mga unang personal na nakaranas ng gawain ng Diyos, at kasama ako sa mga unang nakarinig ng mga salitang binigkas ng Kanyang bibig. Napakaraming taon na ang lumipas mula noon, at nananampalataya at sumusunod pa rin ako sa Diyos. Ilang beses na akong inaresto at inusig at nakaranas ako ng napakaraming panganib, at palagi akong pinoprotektahan at ginagabayan ng Diyos; hindi ako kailanman inabandona ng Diyos. Ginagawa ko pa rin ang tungkulin ko ngayon, paganda nang paganda ang kalagayan ko, patuloy na tumitibay ang aking pananalig, at wala akong anumang pagdududa sa Diyos—talaga bang isa pa rin akong tagapagserbisyo?” Sino ba ang tinatanong mo? Hindi ba’t maling tao ang tinatanong mo? Hindi mo dapat itanong ito. Dahil napakaraming taon ka nang nananampalataya, hindi ba’t alam mo na kung ikaw ay isang tagapagserbisyo o hindi? Kung hindi mo alam, bakit hindi mo tanungin ang sarili mo kung taglay mo ba ang katotohanang realidad, kung nagtataglay ka ba ng may-takot-sa-Diyos na puso, at kung umaasal ka ba sa paraang umiiwas sa kasamaan? Napakaraming taon nang gumagawa ang Diyos, bumibigkas Siya ng napakaraming salitang ito, at gaano karami na ang iyong naunawaan at napasok? Gaano na karami ang nakamit mo? Ilang pagpupungos, at ilang pagsubok at pagpipino na ang natanggap mo? Nang tanggapin mo ang mga ito, nanindigan ka ba sa iyong patotoo? Nagawa mo bang magpatotoo para sa Diyos? Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok na katulad ng kay Job, kaya mo bang itatwa ang Diyos? Gaano kalaki mismo ang pananalig mo sa Diyos? Ang pananalig mo ba ay basta lang na pananampalataya, o tunay ba itong pananalig? Tanungin mo ang sarili mo ng mga katanungang ito. Kung hindi mo alam ang mga sagot sa mga katanungang ito, kung gayon ay isa kang taong magulo ang isip, at alam Kong nakikipagsabayan ka lang sa karamihan—ni hindi ka karapat-dapat na tawaging tagapagserbisyo. Ang isang taong nagkikimkim ng ganitong uri ng saloobin tungkol sa titulong “tagapagserbisyo” at nalilito pa rin sa puso niya ay sobrang kahabag-habag. Ni hindi niya alam kung ano siya, samantalang ang Diyos ay ganap na malinaw at tiyak sa pagtrato Niya sa lahat ng tao.
Nagbahaginan tayo tungkol sa kung ano mismo ang orihinal na pakahulugan ng Diyos tungkol sa salitang “tagapagserbisyo.” Kapag pumasok ang mga tao sa sambahayan ng Diyos, sa umpisa, kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan at nagtataglay lamang sila ng iba’t ibang adhikain o kaunting determinasyon na makipagtulungan, maaaring ang papel na ginagampanan lamang nila sa panahong iyon ay bilang isang tagapagserbisyo. Siyempre, hindi masyadong magandang pakinggan ang salitang “serbisyo.” Sa ibang salita, nangangahulugan ito na maglingkod at magtrabaho para sa gawain ng pamamahala ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan; nangangahulugan ito na magsikap. Hindi nakakaunawa ng anumang katotohanan ang mga taong ito, ni nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos, at wala silang maiambag na anumang pagsisikap o hindi nila magawang makipagtulungan sa anumang paraan sa partikular na gawaing isinasagawa ng Diyos para iligtas at pamahalaan ang sangkatauhan, pati na sa iba’t ibang gawain na may kaugnayan sa katotohanan. Mayroon lamang silang mga kasanayan at mga kaloob, at kaya lamang nilang magpakita ng kaunting pagsisikap at magsalita ng ilang bagay para sa partikular na pangkalahatang gawain at gumawa ng ilang serbisyong pangsuporta. Kung ito ang diwa ng gawain ng mga taong gumagawa ng kanilang tungkulin, kung pangserbisyo lang na papel ang ginagampanan nila, kung gayon ay mahihirapan silang iwaksi ang titulong “tagapagserbisyo.” Bakit mahirap itong iwaksi? Mayroon ba itong anumang kinalaman sa depinisyon ng Diyos tungkol sa titulong ito? Oo, tiyak na maryoon. Napakadali para sa mga tao na magsumikap nang kaunti at gumawa ng mga bagay ayon sa kanilang mga likas na abilidad at mga kaloob at isipan, subalit ang mamuhay ayon sa katotohanan, pumasok sa katotohanang realidad, at kumilos ayon sa mga layunin ng Diyos ay sobrang nakakapagod; nangangailangan ito ng oras, paggabay ng Diyos, kaliwanagan ng Diyos, at pagdidisiplina ng Diyos, at higit sa lahat ay nangangailangan ito ng pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Samakatuwid, habang gumagawa ang mga tao para makamit ang mga layong ito, ang nagagawa at naibibigay ng karamihan sa mga tao ay ang mga bagay na nabanggit: pagiging pakay ng mga salita ng Diyos, pagtataglay ng ilang kaloob at pagkakaroon ng silbi sa sambahayan ng Diyos, pagtataglay ng pag-iisip ng normal na pagkatao at pagkakaroon ng kakayahang arukin at isakatuparan ang anumang trabahong iniaatas sa kanila, pagtataglay ng ilang kasanayan at pagkakaroon ng kakayahang gamitin ang kanilang mga espesyal na talento sa isang partikular na gawain sa sambahayan ng Diyos, at, ang pinakamahalaga, ang pagkakaroon ng adhikain na sumunod at magpasakop. Kapag nagseserbisyo sa sambahayan ng Diyos, kapag nagsisikap para sa gawain ng Diyos, kung gayon, kahit na may katiting lang na adhikain na sumunod at magpasakop, hindi ka magiging negatibo o tamad. Sa halip, gagawin mo ang lahat ng iyong makakaya para kontrolin ang sarili at gumawa ng mas kaunting masamang bagay habang gumagawa ng mas maraming mabuting bagay. Hindi ba’t ganito ang kalagayan ng karamihan sa mga tao? Siyempre, napakakaunti sa inyo ang nakalampas na sa kalagayan at saklaw na ito. At ano ang nagawang taglayin ng napakakaunting taong ito? Nagawa nilang maunawaan ang katotohanan at taglayin ang katotohanang realidad. Kapag nahaharap sila sa mga isyu, kaya nilang magdasal at hanapin ang mga layunin ng Diyos, at kaya nilang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang kanilang adhikain na sumunod at magpasakop ay hindi na hanggang determinasyon lang, bagkus ay kaya na nila na aktibong isagawa ang mga salita ng Diyos, kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at magtaglay ng may-takot-sa-Diyos na puso kapag nahaharap sa mga isyu. Hindi sila nagsasalita o kumikilos nang hindi nag-iisip, at sa halip ay maingat sila. Lalo na kapag hindi ayon sa kanilang sariling mga ideya ang pagkakapungos sa kanila, hindi nila hinuhusgahan ang Diyos, hindi sila nangangatwiran sa Kanya, at wala silang nararamdamang pagtutol sa puso nila. Sa kaibuturan ng kanilang puso, tunay nilang tinatanggap ang pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng Diyos. Mayroon bang anumang pagkakaiba sa pagitan ng mga taong ito at ng mga tagapagserbisyo? Ano ang mga pagkakaibang iyon? Ang unang pagkakaiba ay na nauunawaan nila ang katotohanan, at ang pangalawa ay na kaya nilang isagawa ang ilang katotohanan. Pangatlo, mayroon silang kaunting kaalaman tungkol sa Diyos, at pang-apat, ang kanilang pagsunod at pagpapasakop ay hindi na adhikain lamang, kundi naging personal na nilang saloobin. Panglima—at ito ang pinakaimportante at pinahahalagahan sa mga puntong ito—nagkaroon na sila ng may-takot-sa-Diyos na puso. Masasabi na naiwaksi na ng mga taong iyon na nagtataglay ng mga bagay na ito ang titulong “tagapagserbisyo.” Ito ay dahil, batay sa kanilang iba’t ibang aspekto ng pagpasok, at sa kanilang saloobin sa katotohanan, pati na rin sa antas ng kanilang kaalaman tungkol sa Diyos, hindi na ito kasingsimple ng paggawa nila ng isang propesyonal na trabaho sa sambahayan ng Diyos, at hindi na sila mga pansamantalang manggagawa na pansamantalang tinawag para gumawa ng kaunting gawain. Ibig sabihin, hindi narito ang mga taong ito para sa mga pansamantalang gantimpala, hindi sila nirekrut para pansamantalang gamitin, at sa panahon na ginagamit sila, hindi inoobserbahan kung kaya ba nilang akuin ang gawaing ito nang pangmatagalan. Sa halip, naisasagawa nila ang katotohanan at nagagawa nang maayos ang kanilang tungkulin. Kaya, naiwaksi na ng mga taong ito ang titulo, ang katawagan na “tagapagserbisyo.” Nakakita na ba kayo ng mga gayong tao? May mga gayong tao sa iglesia. Gusto ninyong malaman kung sino-sino ang mga taong ito at kung ilan sila, pero hindi Ko ito masasabi sa ngayon; kapag nauunawaan na ninyo ang katotohanan, makikilatis ninyo sila. Ang dapat ninyong malaman ay kung nasa anong uri ng kalagayan kayo naroroon, kung aling landas ang nasa unahan ninyo na inyong sinusunod, at kung aling landas ang dapat ninyong sinusunod—ito ang mga bagay na dapat ninyong malaman.
Ngayon, ipinataw ba ng Diyos ang titulong “tagapagserbisyo” sa mga tao? Ginagamit ba ng Diyos ang titulong ito para maliitin ang mga tao, para ikategorya at markahan sila? (Hindi.) Kung gayon, paano tinukoy ng Diyos ang titulong ito? Ang pagbibigay ng Diyos ng titulo sa mga tao ay hindi basta-bastang pagbibigay Niya ng palayaw sa kanila at hindi Niya ito tinutukoy batay sa panlabas na anyo; ang titulong ito ay hindi lang basta titulo. Ang pangalan ng tao ay isang katawagan lamang, isang bansag, na walang tunay na kabuluhan. Halimbawa, may mga magulang sa Tsina na umaasa na magiging matalino at maganda ang kanilang anak na babae, kaya ginagamit nila ang karakter na “maganda” sa pangalan ng kanilang anak, pero pag-aasam lang iyon, at wala itong kinalaman sa diwa ng kanilang anak. Maaaring talagang bobo at lumaking hindi maganda ang anak na ito, kaya, ano, kung gayon, ang punto ng pagtawag sa kanya na “maganda”? May ilan ding batang lalaki na pinangalanang “Chenglong” o “Chenghu,” gamit ang mga karakter na nangangahulugan na maging parang isang dragon o tigre—talaga bang malalakas sila kung tatawagin sila sa mga gayong pangalan? Maaaring mga duwag sila o walang kwenta. Mga inaasam lang ng mga magulang ang mga ito para sa kanilang mga anak; binibigyan nila ang mga ito ng mga ganitong pangalan, at walang kaugnayan ang mga pangalang ito sa diwa ng kanilang mga anak. Samakatuwid, naglalaman ang mga pangalan at titulo ng mga tao ng mga imahinasyon at magagandang kahilingan ng mga tao, ngunit mga bansag at katawagan lamang ang mga ito, at hindi ibinibigay batay sa kanilang diwa. Gayumpaman, ang mga titulo at pangalang tinutukoy ng Diyos ay tiyak na hindi ibinibigay batay sa panlabas na anyo ng mga tao, at lalong hindi ito batay sa mga sariling kahilingan ng Diyos. Nais ba ng Diyos na maging mga tagapagserbisyo ang mga tao? (Hindi.) Nabasa na ba ninyo sa mga salita ng Diyos na sinasabi ng Diyos na, “Gusto Kong maging tagapagserbisyo ang bawat tao at ayaw Kong may sinumang maligtas”? (Hindi.) Kung gayon, ano ang nais ng Diyos? Sinabi ng mga tao noon, “Nais ng Diyos na maligtas ang bawat tao at ayaw Niyang mapahamak ang sinuman.” Isa itong kahilingan. Gayumpaman, hindi nagmula sa wala ang titulong “tagapagserbisyo”. Katulad lang ito ng pagtukoy ng Diyos sa mga pangalan na “puno” at “damo.” Malalaki at matataas na bagay ang mga puno, at kapag may nagbabanggit sa isang puno, alam ng lahat na malalaki at matataas ang mga puno, at kapag may nagbabanggit sa damo, alam ng lahat na maliit at mababa ang damo, tama ba? (Oo.) Kaya, paano naman ang titulong “tagapagserbisyo”? Nabuo ang titulong ito ayon sa diwa at mga pagpapamalas ng tao, at ayon sa yugto ng gawain ng Diyos. Kung ang mga tao ay unti-unting makakaunawa sa katotohanan kasabay ng gawain ng Diyos, makakapasok sa katotohanang realidad, at makakapagpasakop at magkakaroon ng takot sa Diyos, kung gayon, sa oras na ito, nagbabago ang titulong ito. Samakatuwid, kahit na isa ka sa mga tagapagserbisyo, hindi ito nakakaapekto sa paggawa mo ng tungkulin ng isang nilikha at sa paghahangad at pagsasagawa sa katotohanan, at lalong hindi ito nakakaapekto sa iyong pagpapasakop at takot sa Diyos.
May mga tao ba na hindi kailanman maiwawaksi ang titulong “tagapagserbisyo”? (Oo.) Anong klaseng mga tao? Ito ang klase ng mga tao na hindi naghahangad sa katotohanan, na maaaring nakakaunawa sa katotohanan pero hindi nagsasagawa nito, lalong hindi nila minamahal ang katotohanan, at madalas pa nga silang nakakaramdam ng pagkasuklam at pagtutol sa katotohanan sa puso nila. Bakit sila nananatili sa sambahayan ng Diyos kung tutol naman sila sa katotohanan? Nais nilang magkamit ng kaunting pakinabang, nagsisikap sila at nagpapakita ng ilang mabuting pag-uugali nang may kalakip na mga pag-aasam sa sambahayan ng Diyos. Ginagamit nila ang halagang ibinabayad nila, ang pag-aalay at paggugol ng kanilang sarili, pati na ang paglipas ng kanilang kabataan at ang paggugol ng ilan sa kanilang oras kapalit ang anumang benepisyong nais nilang makamit. Dahil sa landas na sinusunod ng mga taong ito, sa huli, hindi sila nakakapasok sa katotohanang realidad, hindi sila makapagpasakop sa Diyos, lalong hindi sila nagkakaroon ng takot sa Diyos—tutukuyin sila bilang mga tagapagserbisyo magpakailanman. May ilan sa mga ganitong uri ng tao sa sambahayan ng Diyos na nakakapagserbisyo hanggang sa pinakahuli, at may ilan na hindi, at may kaunting pagkakaiba sa pagkatao ng mga nakakapagserbisyo hanggang sa pinakahuli at ng mga hindi. Ang mga hindi naghahangad sa katotohanan pero nakakapagserbisyo hanggang sa pinakahuli—ibig sabihin, iyong mga tao na nakakapaglaan ng kaunting pagsisikap sa sambahayan ng Diyos para sa gawain ng Diyos habang nagpapatuloy ang gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos—ay medyo may mabuti at mabait na pagkatao. Hindi sila gumagawa ng kasamaan, hindi sila nagsasanhi ng kaguluhan habang nagseserbisyo, at hindi sila inaalis sa iglesia. Kayang magserbisyo ng mga gayong tao hanggang sa pinakahuli, at sila ang mga taong mananatiling mga tagapagserbisyo. Samantalang ang iba, dahil masyadong masama ang kanilang pagkatao, dahil mababa ang kanilang karakter at integridad, madalas nilang ginugulo at ginagambala ang iba’t ibang gawain sa sambahayan ng Diyos habang nagseserbisyo sila, at nagsasanhi sila ng kawalan sa maraming gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi nila alam kung paano magsisi kapag sila ay pinupungusan o ibinubukod nang paulit-ulit, at bumabalik lang sila sa kanilang dating masasamang gawi; wala silang nauunawaang kahit anong katotohanan, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, sa halip, kumikilos sila nang walang pakundangan, at itinitiwalag ang mga gayong tao. Bakit sila itinitiwalag? Hindi man lang kayang magserbisyo ng mga ganitong tao. Hindi sila makagawa nang maayos kapag nagsusumikap sila sa sambahayan ng Diyos, at habang nagsusumikap sila, gumagawa rin sila ng kasamaan, at pinagbabayad nila ng halaga ang sambahayan ng Diyos at ang mga kapatid. Ang paggamit sa mga gayong tao ay hindi sulit sa magiging kawalan. Paulit-ulit silang binibigyan ng mga pagkakataon para makapagnilay-nilay, pero sa huli, hindi pa rin nagbabago ang kanilang kalikasan, at hindi sila nakikinig sa sinasabi ng sinuman. Ni hindi karapat-dapat na magserbisyo sa sambahayan ng Diyos ang mga gayong tao, at wala rin silang kakayahang gawin ito, kaya sila inaalis.
Mayroon na ba kayong pangkalahatang pagkaunawa ngayon sa titulong “tagapagserbisyo”? Isang mapandiskriminang titulo ba ang “tagapagserbisyo” na ibinibigay ng Diyos sa sangkatauhan? Sinasadya ba ng Diyos na gamitin ang titulong ito para maliitin ang mga tao? Ginagamit ba ng Diyos ang titulong ito para ibunyag at subukin ang mga tao? Ginagamit ba ng Diyos ang titulong ito para ipaalam sa mga tao kung ano talaga ang mga tao? Ang mga ito ba ang nilalayon ng Diyos? Sa totoo lang, hindi nilalayon ng Diyos ang alinman sa mga bagay na ito. Hindi nilalayon ng Diyos na ibunyag ang mga tao, o na maliitin at hamakin ang mga tao, at hindi rin Niya nilalayong gamitin ang titulong “tagapagserbisyo” para subukin ang mga tao. Ang tanging pakahulugan ng Diyos sa titulong “tagapagserbisyo” ay na tinutukoy at binubuo Niya ang titulong ito ayon sa paggampan at diwa ng mga tao, ayon sa papel na ginagampanan ng mga tao sa panahon ng gawain ng Diyos, pati na rin kung ano ang kayang gawin ng mga tao at ang kanilang kapasidad na makipagtulungan. Mula sa pakahulugang ito, nakikita natin na nagseserbisyo ang bawat tao sa sambahayan ng Diyos para sa plano ng pamamahala ng Diyos at sa isang punto ay gumampan ng papel na ito bilang tagapagserbisyo. Masasabi ba natin ito? (Oo.) Talagang masasabi natin ito, at mauunawaan na ninyong lahat ito ngayon. Ayaw gamitin ng Diyos ang titulong ito para pahinain ang loob ng mga tao o subukin ang kanilang pananalig, lalo na ang maliitin sila o himukin na magkaroon ng magandang asal at maging mas masunurin, o ipaalam sa kanila kung ano ang kanilang pagkakakilanlan at posisyon, at lalong ayaw ng Diyos na gamitin ang titulong “tagapagserbisyo” para alisin ang karapatan ng mga tao na gawin ang tungkulin ng isang nilikha. Ganap na natutukoy ang titulong ito batay sa iba’t ibang tiwaling disposisyon na ibinubunyag ng mga tao at sa kanilang tunay na kalagayan habang sumusunod sila sa Diyos. Samakatuwid, tiyak na walang kinalaman ang titulong ito sa kung ano ang magiging pagkakakilanlan, katayuan, posisyon, at hantungan ng mga tao kapag natapos na ang gawain ng pamamahala ng Diyos. Ganap na nagmumula ang titulong ito sa mga pangangailangan ng plano ng pamamahala at gawain ng pamamahala ng Diyos, at isa itong tunay na kalagayan ng tiwaling sangkatauhan sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Tungkol naman sa mga taong nagbibigay ng serbisyo sa sambahayan ng Diyos bilang mga tagapagserbisyo at ginagamit na parang mga makina, nakasalalay sa kanilang paghahangad kung magpapatuloy ang kalagayang ito hanggang sa pinakahuli o kung magbabago ang mga ito para sa ikabubuti ng kanilang pagsunod sa Diyos. Kung hinahangad ng isang tao ang katotohanan, at kaya niyang baguhin ang kanyang disposisyon at makapagpasakop at matakot sa Diyos, tuluyan na niyang maiwawaksi ang titulong “tagapagserbisyo.” At ano ang nangyayari sa mga tao kapag naiwaksi na nila ang titulong “tagapagserbisyo”? Nagiging mga tunay na tagasunod sila ng Diyos, mga tao ng Diyos, at mga tao ng kaharian, ibig sabihin, nagiging mga tao sila ng kaharian ng Diyos. Kung, habang sumusunod ka sa Diyos, nakatuon ka lang sa pagsusumikap, pagdurusa, at pagbabayad ng halaga, at hindi mo hinahangad ang katotohanan o isinasagawa ang katotohanan, hindi nagbabago kahit kaunti ang iyong mga tiwaling disposisyon, hindi mo kailanman ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, at sa huli, hindi ka nakakapagpasakop at natatatakot sa Diyos, kung gayon, hindi magiging masyadong malaki o maliit para sa iyo ang titulong ito na “tagapagserbisyo,” ang “koronang” ito, bagkus ay perpekto itong magkakasya sa ulo mo, at hindi mo na ito kailanman maiaalis. Kung nasa ganitong kalagayan ka pa rin sa oras na matapos ang gawain ng Diyos at hindi pa rin nagbabago ang mga disposisyon mo, kung gayon, wala nang magiging kaugnayan sa iyo ang titulong “mga tao ng kaharian ng Diyos,” at magiging isa kang tagapagserbisyo magpakailanman. Paano mo mauunawaan ang mga salitang ito? Dapat ninyong maunawaan na sa sandaling matapos ang gawain ng Diyos, ibig sabihin, kapag nailigtas na ang lahat ng taong nais na iligtas ng Diyos, kapag umepekto na ang gawaing nais gawin ng Diyos at natamo na ang mga layon nito, hindi na magsasalita o gagabay ang Diyos sa mga tao, hindi na Siya gagawa ng anumang gawain para iligtas ang tao, at magtatapos na doon mismo ang Kanyang gawain, gayundin ang landas ng pananalig sa Diyos na sinusundan ng mga tao. May ganitong talata sa Bibliya: “Ang liko, ay hayaang magpakaliko pa: at ang marumi, ay hayaang magpakarumi pa: at ang matuwid, ay hayaang magpakatuwid pa: at ang banal, ay hayaang magpakabanal pa” (Pahayag 22:11). Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito, na sa sandaling sabihin ng Diyos na tapos na ang Kanyang gawain, nagpapahiwatig ito na hindi na ipagpapatuloy ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagliligtas, pagkastigo, at paghatol sa tao, hindi na bibigyang-liwanag o gagabayan ng Diyos ang tao, at hindi na Siya magbibigkas ng mga salita sa tao na matiyaga at taimtim na nagpapayo at pumupungos sa kanila—hindi na gagampanan ng Diyos ang gawaing ito. Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na mabubunyag ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay, maitatakda na ang mga kalalabasan ng mga tao, at wala nang makapagbabago nito, at hindi na magkakaroon ng mga pagkakataon ang mga tao na maligtas. Iyon ang ibig sabihin nito.
Kapag iwinaksi ng isang tao ang titulong “tagapagserbisyo” sa pagtatapos ng gawain ng Diyos, kapag iwinaksi nila ang katawagan at kondisyong ito, ipinapahiwatig nito na hindi na isang tagalabas o isang walang pananampalataya ang taong ito sa mga mata ng Diyos, kundi isa na siyang tao ng sambahayan at ng kaharian ng Diyos. At paano nga ba nabuo ang titulong ito na “isang tao ng sambahayan at ng kaharian ng Diyos”? Paano nakakamit ng mga tao ang titulong ito? Sa pamamagitan ng paghahangad at pag-unawa sa katotohanan, sa pamamagitan ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga, sa pamamagitan ng mahusay na paggawa sa iyong tungkulin, sa pagtatamo ng isang partikular na antas ng pagbabago sa disposisyon, at sa pagpapasakop at pagkakaroon ng takot sa Diyos, nagiging isa kang tao ng sambahayan ng Diyos. Katulad nina Job at Pedro, hindi mo na kailangang mapinsala at magawang tiwali ni Satanas, maaari ka nang mamuhay nang malaya sa kaharian at sa sambahayan ng Diyos, hindi mo na kailangang makibaka sa iyong mga tiwaling disposisyon, at sa mga mata ng Diyos, isa kang tunay na nilikha, isang tunay na tao. Hindi ba’t isa iyong bagay na dapat ipagdiwang nang may kagalakan? Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na ganap nang natapos ang buhay ng pagdurusa at paghihirap ng isang tao na nagawang tiwali ni Satanas at nagsisimula na siyang mamuhay nang may kagalakan, kapayapaan, at kaligayahan. Nakapamumuhay na siya sa liwanag ng mukha ng Lumikha, nakapamumuhay kasama ng Diyos, at isa itong bagay na dapat ipagdiwang nang may kagalakan. Gayumpaman, para sa ibang uri ng mga taong hindi pa nagawang iwaksi ang titulong “tagapagserbisyo” sa huli, ano ang ibig sabihin nito kung hindi pa rin nila natanggal ang titulong ito, ang “korona” na ito mula sa kanilang ulo kapag nagtapos na ang gawain ng Diyos? Nangangahulugan ito na nananatili pa rin silang mga tagalabas at walang pananampalataya sa mga mata ng Diyos. Ito ay dahil hindi talaga nila tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan, hindi natamo ang pagbabago sa disposisyon, hindi nila kayang magpasakop sa Diyos, at wala silang may-takot-sa-Diyos na puso. Dapat itiwalag ang mga taong ito mula sa sambahayan ng Diyos at wala silang puwang sa kaharian ng Diyos. Kung wala silang puwang sa kaharian ng Diyos, nasaan sila? Nasa labas sila ng kaharian ng Diyos at isang grupo silang nakahiwalay sa mga tao ng Diyos. Tinatawag pa rin na “mga tagapagserbisyo” ang mga gayong tao, at ipinapahiwatig nito na hindi sila naging mga tao ng sambahayan ng Diyos, hindi sila kailanman magiging mga tagasunod ng Diyos, hindi sila kinikilala ng Diyos, at hindi na sila kailanman makakatanggap muli ng mga pagpapala o biyaya mula sa Diyos. Siyempre, nangangahulugan din ito na wala na silang pagkakataong magtamasa ng magagandang pagpapala kasama ang Diyos sa Kanyang kaharian o magkamit ng kapayapaan at kagalakan—wala nang ganitong pagkakataon. Kung gayon, dapat ba nilang ipagdiwang nang may kagalakan ang sandaling ito, o isa ba itong malungkot na pangyayari? Isa itong malungkot na pangyayari. At tungkol sa kung ano ang magiging gantimpala nila para sa pagdadala ng titulong ito na “tagapagserbisyo” sa labas ng sambahayan ng Diyos at sa labas ng kaharian ng Diyos, sa susunod na ang usaping iyon. Ano’t anuman, napakalaki ng pagkakaiba sa pagitan ng gantimpalang ibinibigay sa mga tagapagserbisyo at sa mga tao ng kaharian ng Diyos; may mga pagkakaiba sa posisyon, sa gantimpala, at sa iba pang mga aspekto. Hindi ba’t nakakaawa na hindi nagkamit ng katotohanan at hindi nagkaroon ng pagbabago sa disposisyon ang mga ganitong tao habang ginagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa mga tao? Sobarang nakakaawa ito! Ito ang ilang salita patungkol sa titulong “tagapagserbisyo.”
May ilang tao na nagsasabing, “Nakakaramdam ako ng pagtutol kapag nababanggit ang mga tagapagserbisyo. Ayaw ko at hindi ako masaya na maging isang tagapagserbisyo. Kung kabilang ako sa mga tao ng Diyos, matatanggap ko iyon kahit na ako ang pinakahamak sa kanila, at ayos lang iyon basta’t hindi ako tagapagserbisyo. Wala akong ibang hinahangad at wala akong kinikimkim na ibang mithiin sa buhay na ito; ang tanging inaasam ko ay maiwaksi ang titulong ‘tagapagserbisyo.’ Hindi naman malaki ang hinihingi ko.” Ano ang tingin mo sa mga ganitong tao? Ito ba ang saloobin ng isang taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Anong saloobin ito? Hindi ba’t negatibong saloobin ito? (Oo.) Pagdating sa titulong “tagapagserbisyo,” hindi mo kailangang magsumikap na iwaksi ito, dahil ibinibigay ang titulong ito batay sa antas ng pag-usad mo sa iyong buhay at hindi ito napagpapasyahan batay sa kung ano ang gusto mo. Hindi ito nakasalalay sa kung ano ang gusto mo, kundi nakasalalay ito sa landas na sinusunod mo at kung nagbago na ba ang iyong mga disposisyon. Kung ang layon mo ay maiwaksi lang ang titulong “tagapagserbisyo,” kung gayon, hayaan mong sabihin Ko sa iyo ang totoo: Hindi mo ito kailanman maiwawaksi hangga’t nabubuhay ka. Kung pagtutuunan mo ang paghahangad sa katotohanan at kung makakamit mo ang pagbabago sa disposisyon, unti-unti ring magbabago ang titulong ito. Batay sa dalawang puntong ito, ipinapataw ba ng Diyos sa mga tao ang titulong “tagapagserbisyo”? Tiyak na hindi! Hindi ito isang titulo na ipinapataw ng Diyos sa mga tao, ni isang katawagan—ito ay isang titulo na ibinibigay batay sa antas ng pag-usad ng mga tao sa kanilang buhay. Nababawasan ang iyong pagiging tagapagserbisyo batay sa kung gaano man kalaki ang pag-usad mo sa buhay at kung gaano man kalaki ang pagbabago sa iyong disposisyon. Kapag isang araw ay nagagawa mo nang magpasakop at magkaroon ng takot sa Diyos, kung gayon, kahit na handa ka nang maging tagapagserbisyo, hindi ka na magiging isang tagapagserbisyo, at ito ay napagpapasyahan ng iyong paghahangad, ng iyong saloobin tungkol sa katotohanan, at ng landas na sinusundan mo. May mga nagsasabi rin na, “Gusto kong iwaksi ang titulong ito na ‘tagapagserbisyo’ at ayaw kong maging ganito, pero hindi ko nauunawaan ang katotohanan at hindi ako handang hangarin ang katotohanan. Kaya, ano ang pwede kong gawin?” May solusyon ba? Itinatakda ng Diyos ang mga kalalabasan ng lahat ng uri ng tao batay sa Kanyang mga salita at sa katotohanan—walang puwang para sa pakikipagkompromiso. Kung minamahal mo ang katotohanan at kaya mong tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, kung gayon ay dapat mo itong ikagalak; kung tutol ka sa katotohanan at pinipili mong hindi tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, kung gayon ay magsasanhi ito ng kalungkutan. Ito lamang ang dalawang landas—walang landas sa gitna na mapagpipilian. Ang mga salitang binibigkas ng Diyos ay hindi kailanman lilipas; bagamat lilipas ang lahat ng bagay, hindi lilipas ang kahit isang pagbigkas ng Diyos. Ang mga salita ng Diyos ang mga pamantayan sa paghatol at pagtukoy sa lahat ng bagay; ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at hindi kailanman lilipas. Kapag nagbago at lumipas na ang mundong ito, ang sangkatauhan, at ang lahat ng bagay, hindi lilipas ang kahit isang salita ng Diyos, bagkus ay matutupad ang lahat ng salita Niya. Naitatakda at naibubunyag ang mga kalalabasan ng sangkatauhan at ng lahat ng bagay dahil sa mga salita ng Diyos—walang sinuman ang makakapagpabago nito, at walang duda sa usaping ito. Kaya, pagdating sa pagkakaroon ng Diyos ng kataas-taasang kapangyarihan at pagtatakda Niya sa mga kalalabasan ng mga tao, kung nangangarap lang nang gising ang mga tao, lubos silang mga hangal. Wala na silang mapagpipiliang pangalawang landas sa bagay na ito, dahil hindi binigyan ng Diyos ng pangalawang landas ang mga tao. Ito ang disposisyon ng Diyos, ito ang pagiging matuwid ng Diyos, at hindi pwedeng makialam ang mga tao sa bagay na ito kahit gustuhin nila. Inaakala mo na sa mundo ng mga walang pananampalataya, maaari kang gumastos ng kaunting pera at gumamit sa mga koneksiyon mo para pangasiwaan ang mga bagay-bagay, pero hindi iyon uubra sa Diyos. Tandaan: Walang silbi ito sa harap ng Diyos!
b. Ang mga Paraan Kung Paano Itinuturing ng mga Anticristo ang Titulong “Tagapagserbisyo”
Ang paksa sa pagbabahaginan ngayong araw ay ang paghihimay-himay sa saloobin ng mga anticristo patungkol sa titulong “tagapagserbisyo.” Ngayong natapos na tayong magbahaginan tungkol sa depinisyon ng titulong “tagapagserbisyo,” hindi ba’t may positibong pagkaunawa ang karamihan sa mga tao sa titulong ito? Nakakaramdam pa rin ba kayo ng pagtutol o pag-ayaw sa titulong ito? (Hindi na.) Kung gayon, tingnan natin ngayon kung paano itinuturing ng mga anticristo ang titulong “tagapagserbisyo,” at kung ano ang saloobin nila patungkol dito. Ang mataas na posisyon, mataas na katanyagan, at ganap na kapangyarihan ang pinakahigit na pinahahalagahan ng mga anticristo. Pagdating sa mga labis na karaniwan, simple, at mababang-antas na titulo, at ibang mga titulo na medyo nakakahiya para sa mga tao, nakakaramdam ng matinding pagtutol at diskriminasyon ang mga anticristo sa puso nila, at partikular nila itong nararamdaman tungkol sa titulong “tagapagserbisyo.” Kahit gaano pa kamatiisin at kamapagpasensiya ang Diyos sa grupong ito ng mga tao na kilala bilang mga tagapagserbisyo, at kahit ano pa ang paliwanag at interpretasyon ng Diyos sa titulong “tagapagserbisyo,” minamaliit pa rin ng mga anticristo ang titulong ito sa kaibuturan ng kanilang puso. Iniisip nila na masyadong mababa ang titulong ito, at na kung sila mismo ay mga tagapagserbisyo, lubha silang mahihiya na ipakita ang kanilang mukha. Iniisip nila na sa sandaling binigyan sila ng titulong ito, hinahamon at minamaliit ang kanilang integridad, pride, at reputasyon, bumabagsak ang kanilang halaga, at wala nang kabuluhan ang buhay. Samakatuwid, hindi tatanggapin ng mga anticristo ang titulong “tagapagserbisyo” kahit ano ang mangyari. Kapag pinapapunta mo sila sa sambahayan ng Diyos at pinapagserbisyo para sa gawain ng Diyos, sasabihin nila: “Masyadong nakakapanghamak ang titulong ‘tagapagserbisyo,’ at hindi ako handang maging ganoon. Sa paghiling mo sa akin na maging tagapagserbisyo, iniinsulto mo ako. Hindi ako nanampalataya sa Diyos para lang insultuhin mo ako—pumarito ako para makatanggap ng mga pagpapala. Kung hindi, bakit ko pa tinalikuran ang aking pamilya, iniwan ang aking trabaho, at isinuko ang aking mga makamundong inaasam? Hindi ako pumarito para maging tagapagserbisyo; hindi ako pumarito para magtrabaho para sa iyo at paglingkuran ka. Kung sasabihan mo akong maging isang tagapagserbisyo, mas pipiliin ko pang hindi na lang manampalataya!” Hindi ba’t ganito ang saloobin ng mga anticristo? May mga anticristo pa nga na nagsasabing: “Kung sasabihan mo akong maging tagapagserbisyo sa sambahayan ng Diyos, ano pa ang silbi na manampalataya ako sa Diyos? Ano pa ang kabuluhan nito?” Kaya, kapag nagsasagawa sila ng isang trabaho o tumatanggap ng isang atas o gampanin sa sambahayan ng Diyos, nais muna nilang alamin ang sumusunod: “Pagkatapos kong tanggapin ang trabahong ito, magiging lider ba ako ng iglesia o lider ng pangkat, o magiging isang alagad lang na nagseserbisyo at nagtatrabaho para sa iba?” Bago nila malaman ito, gumagawa muna sila pansamantala. Sa panahong ito, inoobserbahan nila ang mga salita at ekspresyon ng mga tao, nagmamasid at nakikinig nang mabuti, at nagtatanong ng mga impormasyon mula sa iba’t ibang mapagkukunan. Gusto nilang malaman kung pansamantala lang ba silang nagseserbisyo rito o kung maaari ba nilang gawin ang trabahong ito nang pangmatagalan, kung maaari ba silang linangin o kung ginagamit lang sila pansamantala para punan ang isang bakanteng posisyon. Kung ginagamit lang sila para punan ang isang bakanteng posisyon, at pinagseserbisyo para sa kapakanan ng iba at para sa posisyon at kapangyarihan ng iba, tiyak na hindi nila ito gagawin. Wala silang pakialam kung kailangan ng sambahayan ng Diyos na gumawa sila ng isang tungkulin, o kung gaano kahalaga ang tungkuling ginagawa nila para sa gawain ng sambahayan ng Diyos—wala silang pakialam tungkol sa mga bagay na ito. Sa sandaling mapagtanto nila na nagseserbisyo sila rito nang walang karapatang magsalita o kapangyarihan na magdesisyon, nagiging pabasta-basta sila sa kanilang mga kilos, pinababayaan nila ang kanilang tungkulin, kumikilos sila nang walang ingat, nagiging awtokratiko rin sila at kaya pa nga nilang talikuran ang kanilang tungkulin at umalis anumang sandali; itinuturing nila na parang laro ng mga bata ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang kanilang sariling tungkulin. Mayroon silang kasabihan sa buhay na ganito: “Hindi ako magpapakapagod nang hindi nalalaman ng iba samantalang napupunta sa iba ang atensiyon.” Iniisip nila, “Ipinanganak ako na maging lider. Ipinanganak ako na may karapatang magsalita at may kapangyarihan na magdesisyon. Kung mawawala sa akin ang dalawang bagay na iyon, ano pa ang silbi ng mabuhay? Ano pa ba ang magiging kabuluhan ng pananampalataya sa Diyos? Bakit ako nananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t binitiwan ko ang maliliit na pakinabang para makatanggap ako ng mas malalaking pagpapala? Kung hindi matutupad ang pagnanais na ito, walang duda na mas pipiliin ko na lang na sumunod sa makamundong kalakaran at mapunta sa impiyerno!” Ano ang salawikain ng mga anticristo? “Hinding-hindi ko hahayaang samantalahin ako ng sinuman para umangat sila; ako ang nananamantala sa iba. Kung ginagantimpalaan ang mga tao batay sa kanilang mga kontribusyon, dapat ako ang nasa tuktok ng listahan. Saka lang ako magtatrabaho nang masigasig at saka ko lang ibubuhos ang lahat ng makakaya ko, kung hindi, kalimutan mo na lang na gagawin ko ito. Kung hihilingin mo sa akin na magsikap nang husto, na bigyan ka ng payo, at gumawa nang buong puso’t kaluluwa, pero sa huli, kapag dumating ang oras na gagantimpalaan ang mga tao batay sa kanilang mga kontribusyon, at wala akong natanggap, huwag mo nang hilingin sa akin na gumawa para sa inyo, gumugol ng sarili ko para sa inyo, at magserbisyo sa inyo!” Hindi ba’t ang mga ito ang mga tunay na pagbubunyag at pagpapamalas ng disposisyon ng mga anticristo? Kahit na hindi nila sinasadyang subukang iwaksi ang titulong “tagapagserbisyo,” kung ang kanilang disposisyon at diwa ang pag-uusapan, palagi nila itong iwinawaksi at palagi silang nakikibaka, nagsisikap, at nagpupumilit na mawala sa kanila ang titulong ito. Kung, kapag isinasagawa ng isang anticristo ang ilang gawain, ay nagkaroon sila ng pagkakataong mamukod-tangi at maging bida, o kung sila ang mayroong huling salita at sila ang nagdedesisyon, nagiging lider, may posisyon, impluwensiya, at katanyagan, at may mga tao silang nasasakupan, labis silang nasisiyahan. Kung isang araw ay may isang taong naglalantad ng problema nila at nagpupungos sa kanila, na nagsasabing, “Maraming bagay ang hindi mo pinangangasiwaan ayon sa mga prinsipyo, sa halip ay ayon sa anumang paraang gusto mo. Ito ang pag-uugali ng isang taong nagseserbisyo lamang; hindi mo ginagawa ang iyong tungkulin,” matatanggap ba iyon ng anticristo? (Hindi.) Una, sasabihin nilang wala silang kasalanan, magpapaliwanag sila, at ipagtatanggol nila ang kanilang sarili, at pangalawa, agad silang makakaramdam ng pagtutol at paglaban sa mga salitang “pagseserbisyo,” at tiyak na hindi nila ito tatanggapin. Sasabihin nila, “Nagbayad ako ng napakalaking halaga at labis na nagdusa. Maaga akong nagsisimulang magtrabaho at gabing-gabi nang natatapos, hindi ako nakakatulog nang sapat at nakakalimot akong kumain, pero sinasabi mo pa rin na nagseserbisyo lang ako? Mayroon ba talagang mga taong nagseserbisyo nang ganito? Nagbayad ako ng napakalaking halaga at ang tanging nakukuha ko ay ang titulong ito, ang depinisyong ito na ‘tagapagserbisyo.’ Ano pa ba ang aasahan ko? Ano pa ang kabuluhan ng pananampalataya sa Diyos? Ano pa ang motibasyon doon? Mas mabuti pang huwag nang manampalataya sa ganitong uri ng Diyos!” Nawawala ang kanilang kasigasigan. Pagkatapos mapungusan, bukod sa ayaw itong tanggapin ng mga anticristo, nakakaramdam din sila ng paglaban at pagtutol, at higit pa rito, nagkakaroon sila ng mga maling pagkaunawa. Kapag nagtatrabaho sila at ginagawa nila ang kanilang tungkulin pagkatapos niyon, nagbabago ang kanilang saloobin, at iniisip nila, “Tagapagserbisyo ako ngayon kahit ano pa ang gawin ko, kaya, kapag ginagawa ko ang trabahong ito, mas mabuting maghinay-hinay ako, bumuo ng alternatibong plano, at huwag ibigay rito ang lahat ng mayroon ako. Sinasabi ng lahat na matuwid ang Diyos, pero bakit hindi ko ito makita? Paanong matuwid ang Diyos? Dahil isa akong tagapagserbisyo anuman ang gawin ko, kung gayon, mula ngayon, babaguhin ko na ang paraan ng pananampalataya ko sa Diyos; magseserbisyo na lang ako, at tingnan natin kung sino ang takot kanino. Dahil hindi naman ako pupurihin o sasang-ayunan sa kahit anong gawin ko, kung gayon, bahala na, babaguhin ko na lang ang pamumuhay ko at ang paraan ng paggawa ko sa mga bagay-bagay. Gagawin ko ang anumang ipapagawa mo sa akin, at hindi ako magsasalita kung mayroon akong anumang ideya—hayaang magsalita ang sinumang may gusto. Kung may magpupungos sa akin, sa panlabas ay magpapanggap akong sumasang-ayon sa kanya, at kapag may nagkakamali sa trabaho, wala akong anumang sasabihin kahit na napapansin ko ito. Kung may isang taong kumikilos nang walang pagkaunawa sa mga prinsipyo, hindi ko sasabihin sa kanya ang mga prinsipyo kahit na nauunawaan ko ang mga ito. Papanoorin ko lang siya na kumilos na parang isang hangal, hahayaan ko siyang magkamali para mapungusan siya kagaya ko, at titingnan ko kung makakayanan ba niya ang pakiramdam na maiklasipika bilang isang ‘tagapagserbisyo.’ Dahil pinahihirapan ninyo ako, pahihirapan ko rin kayo at hindi ko rin gagawing madali para sa inyo ang mga bagay-bagay!” Nakakaramdam na sila ng matitinding emosyon at paglaban sa simpleng pagpupungos at pagdidisiplina lang sa kanila—saloobin ba ito ng pagtanggap sa katotohanan? (Hindi.) Ano ang masama sa pagseserbisyo? Masama bang magserbisyo para sa Diyos? Nakakapinsala ba sa iyong dignidad ang pagseserbisyo para sa Diyos? Hindi ba karapat-dapat ang Diyos na mapagserbisyuhan mo? Kung gayon, karapat-dapat ka ba para sa paggawa ng Diyos para sa iyo? Bakit masyado kang sensitibo at lumalaban sa mga salitang ito? Nagpakumbaba ang Lumikha para maging isang tao na namumuhay sa gitna ng mga tao at nagseserbisyo Siya sa bawat tiwaling tao, mga taong kumokontra at nagtatakwil sa Kanya. Kung gayon, bakit hindi makapagserbisyo nang kaunti ang mga tao alang-alang sa plano ng pamamahala ng Diyos? Ano ang mali sa paggawa nito? Mayroon bang nakakahiya rito? Mayroon bang kahindik-hindik tungkol dito? Kumpara sa kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos, habang-buhay na mananatiling kasuklam-suklam at pangit ang mga tao. Hindi ba’t ganoon nga iyon?
Maaaring pansamantala lamang na sumasama ang loob ng mga tiwaling tao na naghahangad sa katotohanan kapag naririnig nila ang titulong “tagapagserbisyo,” ngunit maaari itong maging isang motibasyon na magtutulak sa kanila na hangarin ang katotohanan para makapagpasakop sa Diyos; hindi sila masyadong sensitibo sa titulong ito na ibinibigay ng Diyos sa mga tao. Ngunit hindi ganito ang kaso sa mga anticristo. Palagi silang labis na nagbubusisi sa mga titulong ibinibigay ng Diyos sa mga tao at dinidibdib nila ang mga ito. Madaling nalalabag ng isang parirala ng Diyos ang kanilang mga interes at nasasaktan sila rito, at kapag lumalabag sa kanilang intensiyon at pagnanais na makatanggap ng mga pagpapala ang sinasabi ng Diyos, nasasaktan ang kanilang pagpapahalaga sa sarili. Sa sandaling masaktan ang kanilang pagpapahalaga sa sarili at ang kanilang dignidad, hinuhusgahan, itinatakwil, at ipinagkakanulo nila ang Diyos; nais nilang iwan ang Diyos, ayaw nilang patuloy na gawin ang kanilang tungkulin, kasabay nito, sinusumpa nila ang Diyos sa pagiging hindi matuwid at hindi pakikisimpatya sa mga tao. Sinasabi pa nga ng ilang tao na napakahirap palugurin ng Diyos, at na wala na silang ginawang tama. Pawang nagmumula sa mga anticristo ang mga salita, sentimyento, at disposisyong ito. Bukod sa ganap na wala silang saloobin ng pagpapasakop sa Diyos, binubusisi rin nila ang iba’t ibang bagay na sinasabi ng Diyos, at pabaya sila at walang pakialam sa iba’t ibang hinihingi ng Diyos. Palagi nilang nilalabanan ang titulong ito na “tagapagserbisyo” at wala silang intensiyon na tanggapin ito o magpasakop, at lalong wala silang intensiyon na unawain ang layunin ng Diyos. Ang ginagawa lang nila ay patuloy na magtangkang iwaksi ang katawagan at pagkakakilanlang ito, ang katayuan at posisyong ito bilang “tagapagserbisyo,” at hindi man lang nila hinahanap kung paano makipagtulungan sa Diyos para matugunan ang layunin ng Diyos, o kung paano magkamit ng pagbabago sa disposisyon, makapasok sa katotohanang realidad at magpasakop sa Diyos. Hindi nila hinahangad ang mga positibong bagay na ito kahit kaunti, at kahit na inilantad sila bilang mga tagapagserbisyo, biglang sumasabog ang kanilang galit at init ng ulo. Gaano ito kalubha? Lihim na sinusumpa ng ilang anticristo ang Diyos sa mga pampublikong lugar habang malakas Siyang sinusumpa sa likod ng mga nakasarang pintuan, sinasabing, “Hindi matuwid ang Diyos. Mas mabuti pang hindi na ako manampalataya sa ganitong uri ng Diyos!” Hayagan nilang hinahamon at kinokontra ang Diyos. Sa pamamagitan lang ng salitang “tagapagserbisyo,” nabubunyag na ang diwa ng mga anticristo na kumokontra sa Diyos at tutol sa katotohanan. Tuluyang nahuhubad ang maskara ng kanilang buktot na mukha sa harap ng salitang “tagapagserbisyo,” at ganap na silang nalalantad. Ano mismo ang nalalantad? Iyon ay na hindi sila nananampalataya sa Diyos para tanggapin ang Kanyang pagliligtas o tanggapin ang katotohanan, hindi rin sila nananampalataya sa Diyos dahil ang Diyos ang katotohanan o dahil Siya ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay. Sa halip, nananampalataya sila sa Diyos dahil may gusto silang makuha mula sa Kanya. Isinasailalim nila ang kanilang sarili sa pagpunta sa sambahayan ng Diyos alang-alang sa kanilang mga ambisyon at pagnanais. Walang saysay silang nagtatangkang mamukod-tangi sa karamihan at tumanggap ng mga pagpapala sa pamamagitan ng kanilang sariling mga paraan, paggugol, pagsusumikap, at pakikibaka, o higit pa rito, marahil ay nagtatangka silang makatanggap ng mas malaking gantimpala sa kanilang susunod na buhay. Samakatuwid, sa paningin nila, ang salitang “tagapagserbisyo” ay isang nakakababang bagay at isang mapanghamak na termino magpakailanman, isang bagay na hindi nila kailanman matatanggap. Iniisip ng ilang kapatid, “Isang pagpapala para sa atin na magserbisyo sa Diyos. Mabuting bagay ito, isang marangal na bagay.” Gayumpaman, hindi kailanman tinatanggap ng mga anticristo ang katunayang ito, at sinasabi nila, “Isang pagpapala para sa atin na magserbisyo sa Diyos? Anong klaseng salita iyan? Kalokohan! Nasaan ang pagpapala sa paggawa niyon? Nasaan ang kasiyahan? Ano ang mapapala sa pagseserbisyo sa Diyos? Makakakuha ka ba ng pera, ginto, o kayamanan mula sa pagseserbisyo? O makakakuha ka ba ng bahay at sasakyan? Matitiwalag ang lahat ng nagseserbisyo; mayroon bang mga tagapagserbisyo na mabubuting tao? Walang taong nagseserbisyo ang makapagtatamo kailanman ng anumang bagay.” Hindi nila tinatanggap ang katunayang ibinahagi ng mga kapatid na “ang pagseserbisyo sa Diyos ay isang pagpapala sa sangkatauhan,” at nakakaramdam sila ng paglaban at pag-ayaw rito; mas gugustuhin pa nilang makinig sa ibang bagay.
Ang mga anticristo ay kayang gumugol ng kanilang sarili, magserbisyo, at magsalin ng inumin para sa kahit sinong opisyal o taong may posisyon at katanyagan sa mundo, at sasang-ayon pa nga sila na magserbisyo para sa mga taong ito at magiging mas buo ang kanilang loob na gawin ito. Kapag nagseserbisyo na sila sa Diyos, saka lang sila umaayaw at nag-aatubili, puno ng reklamo, pagtutol, at mga damdamin. Anong klaseng mga nilalang ang mga taong ito? Ganito ba ang mga pagpapamalas na dapat mayroon ang isang tagasunod ng Diyos? Malinaw na mga pagpapamalas ang mga ito ng diwa ng mga anticristo. Kung pupunta sa mundo ang isang anticristo para magserbisyo sa isang alkalde, gobernador, o sa kahit sinong tanyag na politiko, iisipin nila na isa itong bagay na naghatid ng kaluwalhatian sa kanilang mga ninuno at ipinagmamalaki ng kanilang pamilya. Magiging lubos silang masaya; para silang nakalutang sa alapaap. Kung may magtatanong sa kanila kung ano ang kanilang trabaho, sasabihin nila, “Nagseserbisyo ako sa alkalde. Ako ang malapit na tauhan ng alkalde, ang kanyang personal na guwardiya!” O sasabihin nila, “Inaasikaso ko ang pang-araw-araw na pangangailangan ng presidente!” Sasabihin nila ito nang may buong pagmamalaki. Iisipin nilang isa itong napakagandang trabaho, at na makikisalo ang kanilang buong pamilya sa kaluwalhatian nito. Mananaginip sila sa gabi at magigising nang masaya, at hindi nila itatago ang kanilang ginawa kahit saan sila magpunta. Bakit ganoon? Hindi nila makikitang kahiya-hiya ang kanilang trabaho; sa halip, mararamdaman nila na marangal ito, isang trabahong naglalagay sa kanila sa itaas ng iba, isang trabahong nagbibigay sa kanila ng magandang imahe. Gayumpaman, pagkatapos manampalataya sa Diyos ang isang taong gaya nito, kung pinagseserbisyo siya sa Diyos, ayaw niyang gawin ito, nakakaramdam siya ng pagtutol at nagrereklamo at sinusumpa pa nga ang Diyos, at kaya rin niyang ipagkanulo at itatwa ang Diyos. Kung ihahambing ang dalawang bagay na ito, makikita natin na ang mga anticristo ay talagang mga anticristo, na parte sila ng grupo ni Satanas. Paano man nila asikasuhin si Satanas, gaano man kadumi, nakakapagod, o nakakababa ang trabahong iyon, itinuturing nila itong isang karangalan. Subalit, kapag gumagawa ng mga bagay-bagay para sa Diyos sa Kanyang sambahayan, gaano man kamakabuluhan, kahalaga, o karangal ang mga bagay na ginagawa nila, o gaano man sila kataas dahil sa paggawa ng mga ito, palagi nilang itinuturing na walang kabuluhan ang mga bagay na ito. Hindi mahalaga kung gaano kalaking pagpapala at karangal ang magserbisyo para sa Diyos at sa Kanyang gawain, at kung gaano ito kahalagang oportunidad para sa sangkatauhan, hindi talaga nila kayang maging masaya tungkol dito. Bakit ganito? Isa lamang ang dahilan: Parte ng grupo ni Satanas ang mga anticristo—mga sataniko at buhay na Satanas sila, likas na antagonistiko sa Diyos. Kung hinihiling sa kanila na maglingkod sa Diyos at magserbisyo para sa Diyos, sadyang hindi nila kayang maging masaya tungkol dito. Paano man magbahagi ang sambahayan ng Diyos sa mga tao tungkol sa katotohanan o subukang ipaunawa sa mga tao ang layunin ng Diyos patungkol sa titulong “tagapagserbisyo,” hindi ito kayang tanggapin ng mga anticristo mula sa Diyos o tanggapin ang alinman sa mga katotohanang may kaugnayan dito, lalo na ang tanggapin ang katunayan o ang katotohanan na ang isang nilikhang nagseserbisyo para sa Lumikha ay marangal, mahalaga, at makabuluhan—ito ang saloobing kinikimkim ng mga anticristo tungkol sa titulong “tagapagserbisyo.” Nahaharap sa titulong ito, at nahaharap sa katunayan na nagseserbisyo sa Diyos ang mga tao, ang tanging nagawa ng mga anticristo ay pagsumikapang alisin ang titulong ito at iwasan ang katunayang ito, sa halip na tanggapin ang katunayan, tanggapin ang titulong ito na “tagapagserbisyo” mula sa Diyos, at pagkatapos ay hangarin ang katotohanan, pakinggan ang mga salita ng Diyos, at magpasakop at matakot sa Diyos. Batay sa mga pagpapamalas na ipinapakita ng mga anticristo patungkol sa titulong “tagapagserbisyo,” mahalagang banggitin na kauri ni Satanas ang mga anticristo, na parte sila ng mga mapanlaban na puwersa ni Satanas, at na antagonistiko sila sa Diyos, sa katotohanan, at sa lahat ng positibong bagay.
Ang saloobing kinikimkim ng mga anticristo patungkol sa titulong “tagapagserbisyo” ay pagtutol, paglaban, pag-ayaw, at pagkasuklam. Kanino man nagmula ang titulong ito, palagi silang nakakaramdam ng pagtutol dito at hindi nila ito tinatanggap, naniniwala sila na mababa ang pagiging tagapagserbisyo, at na palagi itong mababa kahit sino pa ang kanilang pinagseserbisyuhan. Iniisip nila na ang “tagapagserbisyo” ay hindi isang depinisyon na ibinibigay ng Diyos sa tao batay sa diwa ng tao, kundi isang hamon at pagpapakita ng paghamak sa pagkakakilanlan at halaga ng tao—ito ang pangunahing pananaw ng mga anticristo sa titulong “tagapagserbisyo.” Mula sa saloobin ng mga anticristo patungkol sa mga salita ng Diyos, makikita natin na hindi nila itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang pamantayan o bilang ang katotohanan, kundi bilang mga bagay na dapat nilang siyasatin at suriin. Ibig sabihin, hindi nila tinatanggap ang mga salita ng Diyos nang may intensiyon na maarok ang katotohanan o matanggap na ang Diyos ang Lumikha, bagkus ay hinaharap nila ang mga salita ng Diyos nang may intensiyon na magsiyasat, tumutol, at kumontra. Para sa kanila, ang bawat salitang sinasabi ng Diyos at ang bawat kasabihang binibigkas Niya ay isang bagay na dapat siyasatin, at kasama na rito ang titulong “tagapagserbisyo.” Nagsisikap sila sa pagsisiyasat at pagninilay-nilay sa salitang “tagapagserbisyo,” at nakikita nila sa mga salita ng Diyos na hindi itinuturing ng Diyos na mabuti ang mga tagapagserbisyo, kundi bilang aba, mas mababa, walang halaga, bilang mga taong hindi mahal ng Diyos, at mga taong kinasusuklaman ng Diyos. Kahit na ito ang saloobin ng Diyos patungkol sa titulong “tagapagserbisyo,” may konteksto at katwiran kung bakit may ganito Siyang saloobin—batay ito sa diwa ng tao. May isa pa ring katunayan na hindi pa nila nakikita: Gaano man kinasusuklaman at kinamumuhian ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, hindi kailanman sumuko ang Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan, at hindi rin Niya itinigil ang gawain ng Kanyang plano ng pamamahala na iligtas ang sangkatauhan. Hindi pinaniniwalaan ng mga anticristo ang katunayang ito, hindi rin nila ito kinikilala o nakikita. Nakatuon lamang sila sa kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol sa mga kalalabasan ng iba’t ibang uri ng tao, at partikular na tungkol sa titulong “tagapagserbisyo,” mayroon silang lubhang sensitibong saloobin. Ayaw nilang maging mga tagapagserbisyo, at ayaw nilang matukoy ng Diyos bilang mga tagapagserbisyo, at lalong ayaw nilang magserbisyo sa Diyos nang dala-dala ang titulong “tagapagserbisyo.” Kaya naman, kapag pumasok ang mga anticristo sa sambahayan ng Diyos, nag-uusisa sila sa maraming iba’t ibang grupo, nagtatanong kung ang mga ito ba mismo ay mga tagapagserbisyo, at mula sa mga salita ng Diyos at sa mga sinasabi ng mga tao tungkol sa kanila, gusto nilang makarinig ng matatapat na salita at alamin ang katotohanan ng usapin—mga tagapagserbisyo ba sila o hindi? Kung oo, agad-agad silang lumalayo; hindi sila nagseserbisyo para sa Diyos o sa sambahayan ng Diyos. Matindi ang kanilang reaksiyon laban sa titulong “tagapagserbisyo,” at nagiging malinaw sa pananaw ng mga anticristo na ang pagkakakilanlan, posisyon, mga inaasam, tadhana, at hantungan ay mga bagay na dapat palagiang hahangarin at mga interes na hindi kailanman aabandonahin. Para sa mga anticristo, ang mga tagapagserbisyo ang pinakamababa sa gitna ng sangkatauhan gaya ng pagtukoy ng Diyos. Kahit ano pa ang sabihin mo o gaano man karaming tao ang tumatanggap sa katunayang ito at sa titulong ito, tiyak na hindi ito tatanggapin ng mga anticristo. Kapag gumagawa ng trabaho, hinihingi lamang nila na pagserbisyuhan, pakinggan, sundin, at pagtuunan sila ng iba, at hindi nila kailanman hinihingi sa kanilang sarili na makipagtulungan o makipagtalakayan sa iba, o na tanungin ang opinyon ng iba, konsultahin ang mga layunin ng Diyos, o hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Iniisip nila, “Kung makikipagtulungan ako at makikipagtalakayan sa iba at kung hahanapin ko ang mga katotohanang prinsipyo kapag ginagawa ko ang mga bagay-bagay, kung gayon ay ibinababa ko ang sarili ko at nawawalan ako ng awtonomiya, at hindi ba’t magiging pagseserbisyo na iyon? Hindi ba’t nagpapakapagod lang ako nang hindi nalalaman ng iba samantalang napupunta sa iba ang atensiyon? Hindi ba’t mag-aasikaso at magseserbisyo ako sa iba?” Ito ang bagay na talagang ayaw nilang gawin. Iginigiit lang nila sa iba na asikasuhin sila, sumuko sa kanila, pakinggan sila, pahalagahan sila, labis silang purihin, pagmukhain silang mabuti sa lahat ng bagay, bigyan sila ng puwang, pagserbisyuhan sila, at magtrabaho para sa kanila, at iginigiit pa nga nila na bigyan sila ng Diyos ng mga naaangkop na gantimpala at nababagay na korona alinsunod sa kanilang nagawa. Kahit na banggitin ng sinuman kung gaano kalaki ang halagang ibinayad ng Diyos at kung gaano Siya nagdusa para sa kaligtasan ng sangkatauhan, kung paano Siya nagpakumbaba, at kung gaano karami ang naitustos Niya para sa sangkatauhan, kapag naririnig ng mga anticristo ang mga salitang ito at kapag nakikita nila ang mga katunayang ito, nananatili silang walang pakialam at binabalewala lamang nila ang mga ito. Paano binibigyang-kahulugan ng mga anticristo ang mga gayong bagay? Sinasabi nila: “Dapat gawin ng Diyos ang lahat para sa tao at dapat Niyang ipagkaloob sa tao ang pinakamainam, ipagkaloob ang mga pagpapala at biyaya, at ipagkaloob ang kapayapaan at kagalakan sa tao. Dapat Niyang ialay ang lahat ng ito sa tao; obligasyon Niya ito. At kapag tinatalikuran ng mga tao ang mga bagay-bagay, iginugugol ang kanilang sarili, at kapag nagbabayad sila ng halaga para sa Diyos, kapag iniaalay nila ang lahat para sa Diyos, dapat silang makakuha ng mga gantimpala mula sa Diyos at makatanggap ng mas mainam na bagay. Hindi ba’t patas na transaksiyon iyon? Isang magkatumbas na kalakalan? Ano pa ba ang dapat pag-usapan dito? Anong halaga mayroon ang Diyos? Bakit wala pa akong nakitang anumang halaga ng Diyos? Nagkakaloob ang Diyos ng mga bagay-bagay sa tao, kaya, hindi ba’t natural lang na karapat-dapat ang tao na matanggap ang mga ito? Nagbabayad ng halaga ang mga tao!” Hindi sila naniniwala na ang lahat ng bagay na ito na ginagawa ng Diyos para sa tao ay ang pinakamalaking biyaya para sa tao; hindi sila mapagpasalamat at hindi nila naiisip na suklian ang Diyos. Sa halip, nais nilang ipagpalit ang halagang ibinayad nila para sa magandang hantungan na ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan, at likas silang naniniwala na nararapat lang para sa kanila na magnais ng mga pagpapala at magkimkim ng lahat ng intensiyong ito, kaya, sa kahit anong paraan man ito tingnan ng isang tao, hindi dapat gawin ng Diyos na mga tagapagserbisyo Niya ang mga tao. Naniniwala sila na may dignidad at integridad ang mga tao, at kung ang mga taong may gayong dakilang pagmamahal at kayang magkawanggawa, gumugol ng kanilang sarili, at tumalikod sa mga bagay-bagay ay pinagserbisyo para sa Diyos, kung gayon, lubha silang ipinapahiya at tinatrato nang hindi makatarungan. Para sa mga anticristo, hindi karapat-dapat na banggitin ang lahat ng bagay na ito na ginagawa ng Diyos. Sa halip, walang katapusan nilang pinalalaki ang mga bagay na sila mismo ang gumagawa, kahit maliit lang ito na bagay, at itinuturing nila ang mga bagay na ito bilang kapital para makatanggap sila ng mga pagpapala.
Hindi kailanman gumagawa ng anumang maayos na bagay ang ilang tao kapag ginagawa ang kanilang tungkulin sa iglesia. Kung hindi tatanggapin ng mga kapatid ang mga bagay na ginagawa nila, ang mga kasanayan at talentong ibinabahagi nila, o ang mga ideya at mungkahing iniaalok nila, tatanggi silang patuloy na gumawa at gugustuhin nilang magbitiw at lumayo—gugustuhin nilang abandonahin ang Diyos. Kung hihilingin mo sa kanila na makipagtulungan sa isang tao, hindi nila gagawin ito, at kung hihilingin mo sa kanila na gawin ang lahat ng kanilang makakaya sa paggawa ng kanilang tungkulin, hindi rin nila iyon gagawin. Magiging kaliwa’t kanan lang ang pag-uutos nila, uutusan nila ang iba na makinig sa kanila, asikasuhin sila, maging tagapagserbisyo nila, at magserbisyo sa kanila imbes na gawin ang sariling tungkulin ng mga ito sa sambahayan ng Diyos. At kung hindi nila nakukuha ang ganitong uri ng pagtrato, o kung mawala ang ganitong pagtrato sa kanila, itong pagtrato na pinaglilingkuran sila ng iba, nagtatrabaho ang iba para sa kanila, at sumusunod sa kanilang mga utos, kung gayon ay nagbibitiw at lumalayo na sila; naniniwala silang hindi matuwid ang Diyos, puno ng reklamo at galit sa Diyos ang kanilang puso at nagkakaroon sila ng poot sa mga kapatid, at walang sinuman ang nakakatulong sa kanila. Hindi sila makagawa nang maayos kasama ang sinuman at hindi nila magawang makipag-ugnayan sa sinuman bilang kapantay. Ang mga panuntunan nila sa pakikipag-ugnayan sa iba ay na dapat sila lang ang nakakataas sa iba kapag nagsasalita at kumikilos sila, pinapanood nila ang iba na ginagawa ang lahat para sa kanila at sinusunod ang bawat utos at kasabihang binibigkas nila; walang sinuman ang karapat-dapat na makipagtulungan sa kanila, at walang sinuman ang kalipikadong makipag-ugnayan sa kanila bilang kapantay. Kung tinatrato sila ng isang tao bilang kaibigan o ordinaryong kapatid, at kinakausap sila, nakikipagtalakayan sa kanila tungkol sa gawain, at nakikipagbahaginan sa kanila tungkol sa pagkaunawa na para bang magkapantay sila, kung gayon, itinuturing nila ito bilang isang malaking insulto at matinding paghamon sa kanilang integridad. Sa puso nila, namumuhi at nakakaramdam sila ng pagkamapanlaban sa gayong mga tao, at maghahanap sila ng mga pagkakataon na makapaghiganti sa kahit sinong tumatrato sa kanila bilang kapantay o sa mga hindi sumeseryoso sa kanila. Hindi ba’t ito ang ginagawa ng mga anticristo? Ito ang may herarkiya na perspektiba na ipinapakita ng mga anticristo sa pakikipag-ugnayan sa ibang tao. Siyempre, may kaugnayan ito sa tunay na opinyon at saloobin na kinikimkim ng mga anticristo tungkol sa titulong “tagapagserbisyo.” Ni hindi nila kayang tanggapin ang isang titulo na ibinibigay ng Diyos sa sangkatauhan, kaya, matatanggap ba nila ang pagkondena, paglalantad, at pagsusuri ng iba? Lalong hindi nila kayang tanggapin ang mga bagay na ito. Sa isang banda, nakakaramdam sila ng pagkamapanlaban at pagtutol sa titulo at sa diwa ng “tagapagserbisyo,” ngunit sa kabilang banda, walang-kapaguran silang kumukuha ng mas maraming tao at inaakay nila ang mga ito na magserbisyo sa kanila, maglingkod sa kanila, mag-asikaso sa kanila, at sumunod sa kanila. Hindi ba’t kasuklam-suklam ito? Buktot ang diwa ng mga gayong tao, at totoo talaga iyon. Nais nilang kontrolin ang iba. Sila mismo ay malinaw na walang kuwenta at walang kayang gawin; basura lang sila sa sambahayan ng Diyos, wala silang normal na pagkatao, at hindi nila kayang makipag-ugnayan nang normal sa ibang tao, at lalong wala silang normal na katwiran. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan kahit kaunti, hindi sila naliwanagan tungkol sa katotohanan, may kaunti lang silang propesyonal na kaalaman at ilang kasanayan, at hindi nila magawa nang maayos ang anumang tungkulin. Gayumpaman, hindi pa rin sila umaasal nang mabuti at gusto nilang humawak ng kapangyarihan, at kapag hindi sila nakakahawak ng kapangyarihan, pakiramdam nila ay katapusan na nila, iniisip nila, “Siguro ay nagserbisyo lang ako noong ginawa ko ang mga bagay na iyon dati. Ayaw kong magserbisyo. Mas mabuti pang magmadali na akong umalis ngayon bago ako labis na magsikap o labis na mawalan.” Ito ang ideya nila. Palagi silang may gayong kapasyahan at nabubuo nila ang gayong desisyon; kaya nilang tumigil sa pananampalataya at umalis anumang oras, iwanan ang kanilang tungkulin sa anumang sandali at tumakas, bumalik sa yakap ni Satanas at maging katuwang nito sa paggawa ng kasamaan. Mayroon bang mga ganitong tao? (Oo.) Pagdating sa ilang aspekto ng propesyonal na gawain, maaaring may kaunti silang nauunawaan, ngunit pagdating sa mga katotohanang prinsipyo na dapat nilang maarok para sa aspektong iyon ng propesyonal na gawain, ganap silang ignorante; pagdating sa isang aspekto ng kaalaman o mga kaloob, maaaring nagtataglay sila ng ilan, ngunit pagdating sa mga katotohanang prinsipyo na dapat nilang maunawaan para magawa ang kanilang tungkulin, muli ay ganap silang mangmang, at baluktot ang kanilang pagkaarok. Hindi nila magawang makipagtulungan nang maayos sa iba, at iba ang wikang sinasalita nila kapag nakikipagbahaginan sila sa ibang tao. Saan ba nababagay ang mga gayong tao? Kung tunay silang may konsensiya at katwiran, magagawa nilang tratuhin nang tama ang ibang tao, at kapag ang sinasabi ng mga tao ay tama at naaayon sa katotohanan, matatanggap nila ang mga ito, kusang-loob silang magpapasakop, at magagawa nilang maghimagsik laban sa kanilang laman. Hindi nila dapat palaging gustuhing mamukod-tangi, mamuno sa iba, at kontrolin ang iba; sa halip, dapat nilang bitawan ang kanilang ambisyon at pagnanais na mangibabaw sa iba at maging handang maging pinakamaliit sa lahat ng tao, kahit pa may kasama itong pagseserbisyo—dapat nilang gawin ang anumang makakaya nila. Sila mismo ay mga ordinaryong tao, kaya dapat silang bumalik sa posisyon ng mga ordinaryong tao, gawin ang kanilang makakaya sa kanilang mga tungkulin, at maging mga praktikal na tao. Ang mga ganitong tao ay makakapanindigan hanggang sa huli. Kung hindi nila pipiliin ang landas na ito at sa halip ay ituturing ang kanilang sarili na dakila at marangal, kung walang sinuman ang makakagalaw o makakalapit sa kanila, at kung gusto nilang maging siga ng bayan, isang tirano, at sumunod sa landas ng mga anticristo, kung gayon ay nakatadhana silang maging masamang tao. Kung hindi sila handang maging ang pinakahamak na tao, na maging ganap na hindi kilala o malayo sa atensiyon ng iba, o ibigay ang lahat ng makakaya nila, kung gayon ay tiyak na mga anticristo sila at hindi sila maliligtas—mapanganib ito para sa kanila. Kung ang ganitong tao ay makakapagnilay-nilay sa kanyang sarili, magkakaroon ng pagkilala sa sarili, makakatanggap sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, makakaako sa kanilang angkop na posisyon, at magagawang maging ordinaryong tao, at hindi na magpapanggap, kung gayon, magkakaroon siya ng pagkakataon na makamit ang kaligtasan. Kung palagi mong gustong maging mapanupil at di-makatwiran at ipakita ang iyong sarili bilang isang makapangyarihang tao, kung gayon, walang saysay iyon. Ang sambahayan ng Diyos ay puno ng hinirang na mga tao ng Diyos, at gaano ka man kalakas, kabagsik, o kasama, walang silbi iyon. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi isang lugar ng labanan, kaya kung gusto mong makipaglaban, gawin mo iyon sa mundo sa labas. Walang sinuman sa sambahayan ng Diyos ang gustong makipaglaban sa iyo; walang interesado rito o may oras para dito. Ang sambahayan ng Diyos ay isang lugar na nangangaral ng katotohanan, na tumutulong sa mga tao na makaunawa sa katotohanan at maisagawa ang katotohanan. Kung hindi mo maisagawa ang katotohanan, mahirap iyon at ipinapakita lang nito na hindi ka nabibilang dito. Kung palagi mong gustong makipaglaban, kung palagi mong gustong maging mabagsik, walang awa, mapanupil at di-makatwiran, kung gayon, hindi angkop na lugar para sa iyo ang iglesia. Karamihan ng mga tao sa sambahayan ng Diyos ay nagmamahal sa katotohanan; gusto nilang sumunod sa Diyos at magkamit ng buhay, at hindi sila natutuwa sa pang-iintriga at pakikipaglaban sa mga diyablo. Ang mga anticristo lamang ang natutuwang makipaglaban palagi at makipagkompetensiya para sa kapangyarihan at pakinabang, at iyon ang dahilan kung bakit hindi makapanindigan ang mga anticristo sa sambahayan ng Diyos.
Mayroong isang uri ng tao na sobrang sensitibo sa mga bagay na tulad ng pagkakakilanlan, posisyon, at katayuan, at partikular siyang nakakaramdam ng matinding pagtutol at pagkasuklam sa titulong “tagapagserbisyo,” at talagang hindi niya matanggap ito—ang mga gayong tao ay mga anticristo. Bukod sa hindi nila hinahangad ang katotohanan at tutol sila sa katotohanan, tutol din sila na matawag na “tagapagserbisyo.” Sa totoo lang, ang mga tutol sa titulong “tagapagserbisyo” ay dapat na maghangad sa katotonan—kung kaya nilang hangarin ang katotohanan, hindi ba’t maiwawaksi na nila ang titulong “tagapagserbisyo”? Pero ito mismo ang problema. Dahil labis silang tutol sa katotohanan, hinding-hindi nila tatahakin ang landas ng paghahangad at pagsasagawa nito. Kaya naman, sa gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos, habang-buhay nilang gagampanan ang papel ng mga tagapagserbisyo. Siyempre, para sa mga anticristo, ang magawang kumilos bilang mga tagapagserbisyo sa plano ng pamamahala ng Diyos ay isa pa ring pagpapala; isa itong pagkakataon para makita nila ang mga gawa ng Lumikha, marinig ang Lumikha na nagpapahayag ng katotohanan at nagbabahagi ng Kanyang mga kaloob-loobang kaisipan sa sangkatauhan, at mapahalagahan ang karunungan at mga makapangyarihang gawa ng Lumikha. Para sa kanila, hindi masama na maging mga tagapagserbisyo ng Lumikha, at nakakaarok man sila o hindi, dapat palaging matandaan nitong mga anticristo at mga kasamahan ni Satanas ang pagiging mga tagapagserbisyo ng Diyos at pagseserbisyo sa sambahayan ng Diyos, kahit magtatapos na ang gawain ng Diyos kalaunan. Sa buong proseso ng pagkontra ng tiwaling sangkatauhan sa Diyos, hindi namamalayan ng mga anticristo na nagseserbisyo sila para sa plano ng pamamahala ng Diyos, at ito ang maliit na halaga sa bawat pag-iral ng anticristo—isa itong katunayan. Ang ginagawang kontribusyon ng mga anticristo ay ang pagpapahintulot sa hinirang na mga tao ng Diyos na makilatis at makilala ang mga anticristo mula sa negatibong aspekto. Handa man silang kilalanin ang katunayang ito o hindi, at sila man ay handa, nagagalak, at masaya na maging mga tagapagserbisyo, ano’t anuman, ang pagseserbisyo para sa gawain ng Diyos bilang mga tagapagserbisyo at paggampan ng papel na ito ay mga bagay na may halaga—ito ang pagtataas ng Diyos sa kanila. Sinasabi ng ilang tao, “Itinataas din ba ng Diyos ang mga anticristo?” Ano ang mali roon? Sila ay mga nilikha; hindi ba sila pwedeng itaas ng Diyos? Totoo ang sinasabi Ko. Ngayon, ano ang nararamdaman ng mga anticristo kapag naririnig nila ang mga salitang ito? Hindi sila dapat maghanap ng mga kamalian at dapat silang makaramdam ng kaunting kaginhawahan. Kahit papaano, nakapag-ambag sila ng kaunting pagsisikap sa mahalagang usapin ng plano ng pamamahala ng Diyos. Kusang-loob man nila itong ginawa, o kung aktibo o pasibo man nila itong ginawa, ano’t anuman, pagtataas ito ng Diyos sa kanila, at dapat nila itong tanggapin nang nagagalak at hindi labanan ito. Kung kayang maghimagsik ng mga anticristo laban sa kanilang mga ninuno, maghimagsik laban kay Satanas, at maghangad sa katotohanan at ng pagpapasakop sa Lumikha, kung gayon, sabihin Mo sa akin, magiging masaya ba ang Diyos? (Oo, magiging masaya Siya.) Isa rin itong karangalan para sa hinirang na mga tao ng Diyos, at dapat din silang maging masaya—mabuting bagay ito. Kapani-paniwala man o hindi ang katunayang ito, ano’t anuman, kung kayang magbago ng mga anticristo at tumahak sa landas ng pagsisisi, siyempre, mabuting bagay iyon. Kaya, bakit Ko sinasabing ito ay isang karangalan para sa hinirang na mga tao ng Diyos? Kung kusang-loob na nagserbisyo ang isang anticristo, hindi ba’t mababawasan ng isa pang salot sa sambahayan ng Diyos? Kung mababawasan kayo ng isang diyablo, mababawasan ng isang nanggugulo at nang-aabala, hindi ba’t magiging mas mapayapa ang mga araw ninyo? Kung titingnan sa ganitong perspektiba, kung talagang kusang-loob na nagseserbisyo ang mga anticristo, magiging magandang bagay rin ito na nararapat ipagdiwang. Dapat ninyong hikayatin at tulungan sila, at hindi sila tuluyang tanggalin. Kung mayroon kayong mabubuting layunin at hinahayaan ninyo silang manatili, ngunit mas nakakagulo lang ang kanilang pagseserbisyo kaysa nakakatulong at humahantong ito sa sakuna, kung gayon, dapat silang pangasiwaan ayon sa mga prinsipyo. Hindi ba’t isa itong mabuting paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay? (Oo, ganoon na nga.)
May isa pang uri ng tao na karapat-dapat banggitin. May mga taong handang magdusa at magbayad ng halaga habang ginagawa ang kanilang tungkulin, at kung minsan, kaya rin nilang sumunod at magpasakop o mangasiwa sa mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Ang personal nilang pagnanais ay ang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, palagi nilang kayang magpasakop sa anumang isinaayos ng Itaas o ng iglesia, at palagi nilang kayang tapusin ang mga gampanin sa tamang oras. Hindi sila nagsasanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan sa sambahayan ng Diyos, at naghahatid ng maraming benepisyo at pakinabang sa mga kapatid ang gawain at tungkuling ginagawa nila. Sa panlabas, bagama’t hindi sila nakagawa ng anumang kasamaan, hindi sila nanggagambala o nanggugulo, at hindi sila mukhang masamang tao, may ginagawa sila na hindi kayang gawin o hindi ginagawa ng mga ordinaryong tao, at iyon ay na nasisiyahan sila sa pagpapalawak ng kanilang impluwensiya at pagtatatag ng kanilang mga nagsasariling kaharian. Kapag naatasan sila sa ilang gampanin, sa sandaling naging responsable sila para sa gawaing iyon, nakakapagsimula na silang magtayo ng kanilang mga nagsasariling kaharian at hindi namamalayang nakakapagsimula na silang palakasin ang kanilang kapangyarihan at mga koneksiyon sa loob ng saklaw ng kanilang impluwensiya. Sa loob ng saklaw na ito, ganap at lubusan nilang nakumbinsi ang lahat, at malakas na pinupuri at labis na hinahangaan ng mga tao ang lahat ng kanilang ginagawa, ang lahat ng kanilang sinasabi, at ang halagang ibinabayad nila. Itinuturing nila ang saklaw ng kanilang pamamahala bilang kanilang sariling munting pamilya sa loob ng pamilya ng Diyos. Sa panlabas, mukhang kaya nilang magbayad ng halaga, magdusa, at magpasan ng responsabilidad—tila wala namang problema. Gayumpaman, sa mahahalagang sandali, kaya nilang ipagkanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Upang mapangalagaan ang kanilang sariling katanyagan at ang kanilang mataas na posisyon, at mapangalagaan ang kanilang di-mapantayang posisyon, dignidad, at kapangyarihan sa iglesia, hindi sila sumasalungat o nananakit sa sinuman. Kahit na may isang taong pumipinsala o nagkakanulo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o kahit na may nanggugulo o sumisira sa gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi nila sinusuri ang isyung ito, hindi nila ito pinapansin, at kaya nila itong kunsintihin. Hangga’t hindi banta sa kanilang posisyon ang taong iyon at naglilingkod pa rin sa loob ng saklaw ng kanilang impluwensiya, ayos lang iyon—ito ang kanilang pinakamataas na pamantayan. Anuman ang mga kaguluhang idinudulot ng taong iyon, hindi nila ito nakikita, hindi nila ito pinapansin, at hindi nila pinupungusan o sinasaway ang taong iyon, at lalong hindi nila ito pinangangasiwaan. Ang mga gayong tao ay mga mapanganib na elemento. Mahirap silang makilatis ng karaniwang tao, at marahil ay hindi mo mapapansin ang anumang mali sa kanila kapag wala silang posisyon. Ngunit sa sandaling magkaroon sila ng posisyon, lubusang nalalantad ang kanilang kalikasang diwa. At ano mismo ang nalalantad? Ito ay na may layon sa likod ng halagang ibinabayad nila at sa lahat ng ginagawa nila; hindi nila ginagawa ang mga bagay na ito para mapangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi talaga nila ginagawa ang kanilang tungkulin, at hindi nila ginagawa ang lahat ng bagay na ito para makita ng Diyos, kundi para makita ng mga tao. Gusto nilang maakit ang mga titig, mga mata, at atensiyon ng iba, at higit pa rito, gusto nilang ilihis ang puso ng mga tao para tingalain, hangaan, at purihin sila ng mga tao. Iyon ang dahilan kung bakit wala silang pakialam kung paano sila nakikita o tinatrato ng Diyos; kung sinasabi ng Diyos na nandoon lamang sila para magserbisyo, wala silang pakialam. Hangga’t nagagawa ng mga tao na lumuhod sa harap ng kanilang mga paa at yumukod sa kanila, ayos lang ito. Ang mga taong ito ay mga mapanganib na elemento at hindi kaisa sa isipan ng Diyos at ng sambahayan ng Diyos, at ang puso nila ay hindi katulad ng sa hinirang na mga tao ng Diyos na tunay na naghahangad sa katotohanan. Nagpapalawak sila ng kanilang impluwensiya, at pati na rin ng impluwensiya ni Satanas. Batay sa kanilang iba’t ibang pagpapamalas, ang mga tungkuling ginagawa nila at ang lahat ng ginagawa nila ay pawang isang paraan para ipangalandakan ang kanilang sarili at bolahin ang iba sa abot ng kanilang makakaya.
Kayang magserbisyo ng mga anticristo sa sambahayan ng Diyos at sa gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos, at sa isang punto, maaari pa nga silang maging magagaling na tagapagserbisyo. Gayumpaman, dahil sa landas na tinatahak nila, at dahil sa mga layon at direksiyong pinipili nila, pati na rin sa kanilang pagnanais para sa posisyon at kapangyarihan at pananabik sa kasikatan at pakinabang na nasa loob nila, hindi nila kailanman maiwaksi ang titulong “tagapagserbisyo,” hindi nila maunawaan ang katotohanan, hindi nila maarok kung ano ang katotohanang realidad o hindi sila makapasok dito, hindi nila maisagawa ang katotohanan, hindi nila makamtan ang tunay na pagpapasakop, at hindi sila makaramdam ng takot sa Diyos. Ang mga gayong tao ay mga mapanganib na elemento. Mayroon silang malalalim na pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, may mga napakamautak na paraan ng pakikisalamuha sa mga tao, at partikular nilang binibigyang-pansin ang kanilang paraan ng pagsasalita at ang mga salitang ginagamit nila kapag nakikipag-usap sa iba, at mahigpit nilang pinagtutuunan ng pansin ang mga pamamaraang ginagamit nila kapag nikikipag-ugnayan sila sa mga tao. Bagama’t sa panlabas ay maaaring hindi sila mukhang taksil at masama, ang puso nila ay puno ng mga buktot na ideya, kaisipan, at pananaw, at maging ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa katotohanan at ng pagkabigong maunawaan ang Diyos. Bagama’t hindi makita ng mga tao kung ano ang masama sa mga taong ito o makita na sila ay masasamang tao, dahil napakabuktot ng kanilang diwa, at dahil hindi nila kayang gawin kahit kailan ang kanilang tungkulin nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo o tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan at umabot sa tunay na pagpapasakop sa Diyos, sa huli, hindi nila kailanman maiwawaksi ang titulong “tagapagserbisyo.” Ang mga taong ito ay mas tuso at mas may kakayahang ilihis ang iba kaysa sa mga hayag na anticristo at masamang tao. Sa panlabas, tila wala silang opinyon o kinikimkim na saloobin tungkol sa titulong “tagapagserbisyo,” at na lalong wala silang nararamdamang anumang pagtutol dito. Gayumpaman, ang totoo, batay sa kanilang diwa, kahit na magserbisyo sila para sa Diyos, nagkikimkim pa rin sila ng mga layunin at layon; hindi sila nagseserbisyo nang walang kondisyon, at hindi nila ito ginagawa para makamit ang katotohanan. Dahil buktot at tuso ang kalooban ng mga taong ito, hindi madali para sa iba na kilatisin sila. Tanging sa mga kritikal na usapin at oras nabubunyag ang kanilang kalikasang diwa, mga kaisipan, mga pananaw, at ang landas na tinatahak nila. Habang nagpapatuloy ito, kung pipiliin ng mga taong ito ang ganitong paraan ng paghahangad at pipiliin nilang tumahak sa ganitong landas, kung gayon, maaaring isipin na hindi maliligtas ang mga gayong tao. Ginagamit nila ang tiwalang ibinibigay sa kanila ng sambahayan ng Diyos at ang oportunidad ng gawain ng Diyos para magpakana alang-alang sa kanilang sariling kapakinabangan, para kontrolin at pahirapan ang mga tao, at para matugunan ang kanilang sariling mga ambisyon at pagnanais. Sa huli, hindi nila nakakamit ang katotohanan, kundi sa halip ay nabubunyag sila dahil sa paggawa ng lahat ng uri ng kasamaan. Kapag nabunyag sila, nagiging malinaw na hindi hinahangad ng mga taong ito ang katotohanan, at na hindi sila nananampalataya sa Diyos alang-alang sa paghahangad sa katotohanan at pagtamo ng kaligtasan. Pagkatapos makinig sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang paglalantad sa iba’t ibang uri ng tao, kung patuloy na gagamitin ng mga taong ito ang mga prinsipyo, diskarte, at pamamaraan ng pakikitungo sa mundo para gawin ang kanilang tungkulin, kung gayon, iisa lang ang maaaring maging kalalabasan: Kailangang gampanan nila ang papel ng tagapagserbisyo sa gawain ng pamamahala ng Diyos, at mabunyag at mapalayas sa huli—isa itong katunayan. Ni minsan ba ay nagkaroon kayo dati ng mga karanasan sa mga gayong tao? Kapag ibinunyag at itiniwalag sila, ang ilang anticristo ay nagiging mga komandante na walang hukbo. Napakarami at napakalaki ng kasamaang nagawa nila, at kinasusuklaman at inaabandona sila ng mga kapatid. Mayroon ding isa pang uri ng tao na, kapag nabunyag, kinondena, at itinakwil sila ng iglesia, marami silang kasabwat at katulong na nagtatanggol sa kanila, nakikipaglaban para sa kanila, at gumagawa ng kaguluhan sa harap ng Diyos. Hindi ba’t mas kaya ng mga ganitong uri ng tao na manlihis ng iba? Mas lalo pang mapanganib ang mga gayong tao. Tungkol sa kung paano itinuturing ng mga anticristo ang titulong “tagapagserbisyo,” at aling mga nakatagong pagsasagawa, ideya, at pagpapamalas ang ipinapakita nila, tatapusin na muna natin dito ang pagbabahaginan natin sa ngayon.
c. Kung Bakit Ayaw ng mga Anticristo na Maging mga Tagapagserbisyo
Ayaw ng mga anticristo na maging mga tagapagserbisyo at hindi sila handang maging mga tagapagserbisyo. Iniisip nila na sa pagiging mga tagapagserbisyo, magdurusa sila ng matinding pang-iinsulto at diskriminasyon. Kung gayon, ano ba mismo ang gusto nila maging? Ano ang pakay nila nang magsimula silang manampalataya sa Diyos at dumating sa sambahayan ng Diyos? Handa ba silang maging isa sa mga tao ng Diyos, mga tagasunod ng Diyos? Handa ba silang maging isang taong ginagawang perpekto? Masaya ba silang maging katulad ni Pedro at Job at ituring itong mabuting bagay? (Hindi.) May sinuman bang nagsasabi na masaya silang maging isa sa hinirang na mga tao ng Diyos sa kanyang pananalig sa Diyos, na sapat na iyon para sa kanya? May sinuman bang handa na maging laruan sa mga kamay ng Diyos? Wala, talagang hindi handa ang mga tao na maging ganito. Kapag dumating sa sambahayan ng Diyos ang sinuman, hinahangad niyang makakuha ng mga pakinabang, pagpapala, gantimpala, at ng isang korona. Habang tinatanggap niya ang paglalantad at paghatol ng mga salita ng Diyos, nalalaman niya na sa pagkikimkim ng mga gayong layunin sa kanyang pananalig sa Diyos, hindi niya mauunawaan ang katotohanan at hindi matatamo ang kaligtasan sa huli. Kaya, nagpapasya ang maraming tao na bitiwan muna ang kanilang pagnanais para sa mga pagpapala, sa korona, at sa mga gantimpala, na bitiwan ang lahat ng pakinabang na ito at makinig muna sa kung ano ang sinasabi ng Diyos, kung ano ang Kanyang mga hinihingi sa tao, at kung ano ang kailangan Niyang sabihin sa tao. Nakakaramdam ng lihim na kagalakan sa kanilang puso ang maraming taong nakikinig sa mga salita ng Diyos, sinasabi nila: “Inilalantad ng Diyos ang aming katiwalian, inilalantad Niya ang aming pangit na tunay na kulay, at inilalantad Niya ang diwa namin ng pagkontra sa Diyos at pagiging tutol sa katotohanan—katunayan ang lahat ng ito. Mabuti na lang at hindi ako nagmadaling humingi sa Diyos ng magandang kapalaran, biyaya, at mga pagpapala; mabuti na lang at binitiwan ko muna ang mga bagay na ito. Kung hindi ko binitiwan ang mga bagay na ito, hindi ba’t mapapahiya ko lang ang sarili ko? Ang lahat ng sinasabi ng Diyos ay naglalantad sa kalikasan at diwa ng tao, kaya paano ko maiwawaksi ang mga bagay na iyon? Sinabi ng Diyos na dapat munang tanggapin ng mga tao ang paggawa ng kanilang tungkulin at makipagtulungan sila sa gawain sa loob ng plano ng pamamahala ng Diyos. Sa prosesong ito, kung ang mga tao ay makakapagsimulang tumahak sa landas ng pag-unawa at pagtanggap sa katotohanan, magkakaroon sila ng pag-asang makapagtamo ng kaligtasan at maaaring magkamit sila ng maraming pakinabang sa hinaharap.” Sa puntong ito, maraming tao ang huminto sa pag-iisip tungkol sa mga bagay na iyon. Ang kanilang magagandang kahilingan, ang kanilang pananabik at mga inaasam para sa kinabukasan ay tila hindi na masyadong makatotohanan. Pakiramdam nila na, sa sandaling ito, mas makatotohanan, mas mahalaga, at mas kritikal kaysa sa mga pagnanais at mithiing iyon kung paano gawin nang maayos ang kanilang tungkulin, kung paano tugunan ang mga layunin ng Diyos, at kung paano unawain ang katotohanan at manindigan. Samakatwid, sa kritikal na yugtong ito, pinipili ng karamihan sa mga tao na gawin ang kanilang tungkulin, danasin ang gawain ng Diyos, kamtin ang katotohanan, ilaan ang kanilang oras at kabataan, at talikuran ang kanilang pamilya, ang kanilang trabaho, at ang kanilang mga makamundong kinabukasan para sa Diyos at para sa paggampan ng kanilang tungkulin, at iniiwan pa nga ng ilang tao ang kanilang buhay may-asawa para dito. Ang mga ganitong uri ng pagpapamalas, pag-uugali, at kilos ng mga tao ay walang duda na isang uri ng masunurin at mapagpasakop na saloobin tungo sa mga positibong bagay at sa lahat ng hinihingi na sinasabi ng Diyos, at ang mismong saloobing ito ang kinakailangang kondisyon na dapat taglayin ng mga tao para maunawaan nila ang katotohanan, maisagawa ang katotohanan, para makapagpasakop sila sa Diyos, at sa huli ay makamit nila ang kaligtasan. Ito ang iba’t ibang pagpapamalas at kaisipan na taglay ng isang normal na tao bago siya dumating sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanyang tungkulin. Mula nang magsimulang manampalataya ang mga taong ito sa Diyos hanggang sa kasalukuyan, patuloy na nagbabago ang kanilang mga kaisipan at pananaw, at pati na rin ang kanilang saloobin sa katotohanan at sa Diyos. Kasabay ng patuloy na pagkawasak ng mga dating pagnanais at ambisyong ito ng tao, unti-unti at kusa na nilang binibitiwan at isinusuko ang mga ito. Ito ang mabuting ibinunga ng kahilingan ng mga tao na makipagtulungan at magpasakop sa Diyos. Isa itong positibo at mabuting pagpapamalas, at isa itong magandang resulta. Habang patuloy na umuusad ang mga tao, halos ganap nang nabitiwan ng mga tunay na naghahangad sa katotohanan ang kanilang pagnanais at layunin na magkamit ng mga pagpapala, at kaya karamihan sa mga tao ay karaniwang hindi gaanong sensitibo o interesado sa iba’t ibang pangako ng Diyos sa tao noon. Ito ay dahil, kapag sinukat ayon sa katwiran ng isang normal na tao, kung hindi magawa ng isang tao ang kanyang tungkulin nang pasok sa pamantayan at nabibigo siyang maunawaan ang katotohanan, mapapalampas niya ang kanyang pagkakataon na makamit ang lahat ng pagpapalang ipinangako ng Diyos at wala na siyang magiging kinalaman sa mga ito. Dapat maunawaan ng lahat ang simpleng lohikang ito. Siyempre, maraming tao na ngayon ang nakakaunawa sa gayong katunayan, at inaamin at tinatanggap din nila ito; ang mga anticristo lang ang hindi tumatanggap nito. Bakit hindi nila ito tinatanggap? Dahil mga anticristo sila. Hindi nila tinatanggap ang katunayang ito, at kaya, ano ang gusto nilang gawin? Kapag dumarating sila sa sambahayan ng Diyos, sinisiyasat nila ang mga salita ng Diyos at natatagpuan nila sa mga ito ang iba’t ibang titulo at katayuan tulad ng “tao ng Diyos,” “mga panganay na anak,” “mga anak ng Diyos,” “mga tao ng Diyos,” at “mga tagapagserbisyo,” at nagniningning ang kanilang mga mata. Mabilis na natutugunanan ang kanilang mga pagnanais at ambisyon, at iniisip nila, “Masyadong ordinaryo ang maging isa sa mga anak ng Diyos; karamihan sa mga tao ay mga anak ng Diyos. Ang pagiging isa sa mga tao ng Diyos ay nangangahulugan ng pagiging isang karaniwang tao, parte ng masa, isang ordinaryong tao na walang kapangyarihan o impluwensiya. At huwag mong isipin na gawin akong tagapagserbisyo. Hangga’t nabubuhay ako, wala akong magiging kinalaman sa pagiging tagapagserbisyo; ganap na wala itong kaugnayan sa akin.” Kaya, pinagtutuunan nila ang dalawang titulo—“tao ng Diyos” at “mga panganay na anak.” Sa kanilang mga kuru-kuro, naniniwala sila na ang “tao ng Diyos” ay ang Diyos Mismo, na ang “mga panganay na anak” ay ang mga panganay na anak ng Diyos, at na ang dalawang ito ay naghahatid ng kapangyarihan at impluwensiya, at kayang mamuno bilang mga hari sa sangkatauhan, kontrolin ang mga tao, kontrolin ang hinirang na mga tao ng Diyos, magtaglay ng ganap na kapangyarihan, at magkaroon ng kapangyarihan ng pananalita, ng kapangyarihan na maging lider, at ng kapangyarihan na mamatnugot sa mga tao at magpasya kung mabubuhay o mamamatay ang mga tao—naniniwala sila nila na napakalaki ng mga kapangyarihang ito. Kaya imposible na gawin silang mga tagapagserbisyo. Kung sila ang papipiliin, pipiliin nilang maging panganay na anak o tao ng Diyos; kung hindi, titigil sila sa pananampalataya sa Diyos. Kapag gumagawa sila ng kanilang tungkulin o kumikilos bilang mga lider at manggagawa sa sambahayan ng Diyos, kumikilos, nagbabayad ng halaga, nagdurusa, at nagpapakaabala sila sa paghahangad ng dalawang layong ito. Sa panahong ito, patuloy silang nagkakalkula kung gaano na kalayo ang narating nila habang nagpapakaabala sila, kung ilang tao na ang nakamit nila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, kung ilang tao ang gumagalang at tumitingala sa kanila, kung lumalapit ba sa iba o sa kanila ang mga kapatid na may mga problema kapag sila ang namumuno sa iglesia, at kung kaya ba nilang kontrolin at impluwensiyahan ang mga kaisipan at pananaw ng iba. Patuloy silang nagkakalkula, nagtitimbang, at nagmamasid sa mga bagay na ito, naglalayong matamo ang nais nila: ang mamuno bilang mga hari sa sambahayan ng Diyos. Normal na nakakagawa ng tungkulin ng isang nilikha ang karamihan sa mga tao pagkatapos nilang dumating sa sambahayan ng Diyos at makaunawa ng ilang katotohanan—ngunit hindi ang mga anticristo. Naniniwala sila na galing sila sa isang marangal na lahi, na parte sila ng isang marangal at espesyal na grupo, at na dapat silang tawaging dakila sa sambahayan ng Diyos; kung hindi, hindi sila mananampalataya sa Diyos. Kung mananampalataya man sila sa Diyos, dapat silang kilalanin bilang dakila sa sambahayan ng Diyos at maging pinakanangunguna. Kasabay nito, kinakalkula at tinatantiya rin nila kung gaano na karami ang kanilang puntos sa talaan ng Diyos, at kung sapat na ba silang kalipikado na mamuno bilang mga hari kasama ang Diyos. Samakatwid, ang pinanggagalingan, pinagmumulan, at motibasyon ng ilang anticristo sa pagpunta sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin ay upang mamuno bilang mga hari. Tiyak na ayaw nilang gawin ang kanilang tungkulin para lang maging mga ordinaryo at pinakahamak na tagasunod, at sa sandaling mapawi ang kanilang ambisyon at pagnanais, bigla silang nagiging mapanlaban at tumatanggi silang gawin ang kanilang tungkulin.
May ilang tao sa sambahayan ng Diyos ngayon na ilang taon nang gumagawa sa kanilang tungkulin, hindi maayos ang paggawa nila sa lahat ng bagay, at natitiwalag sila saanman nila ginagawa ang kanilang tungkulin. Dahil mayroon silang masamang pagkatao at mababang integridad, dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan, at tutol sa katotohanan ang kanilang malupit at buktot na disposisyon, sa huli ay itinatakwil sila ng mga kapatid. Sa oras na makita nilang mauuwi na sa wala ang kanilang pagnanais para sa mga pagpapala, at hindi na matutupad ang kanilang pangarap na makapamuno bilang hari at mamukod-tangi sa sambahayan ng Diyos, paano sila namumuhay sa kanilang pribadong buhay? Hindi nila binabasa ang mga salita ng Diyos, hindi sila nakikinig ng mga himno, hindi sila dumadalo sa mga pagtitipon, hindi nila pinapansin ang sambahayan ng Diyos kapag inatasan silang gumawa ng tungkulin, at kinakailangan pa silang tawagan, yayain, at paalalahanan ng mga kapatid kapag oras na ng pagdalo sa mga pagtitipon. Ang ilan sa kanila ay nag-aatubiling patuloy na dumalo sa mga pagtitipon, pero hindi sila nagsasalita habang nagtitipon, hindi sila nagbabahagi, at nasusuklam sila sa lahat ng sinasabi ng iba at ayaw nilang marinig ito. Kapag nagdarasal ang mga kapatid, ipinipikit din nila ang kanilang mga mata, pero wala silang sinasabi—wala silang masabi sa Diyos. At ano ang ginagawa ng ibang tao sa panahon ng pagtitipon, kapag nakikinig ng mga sermon, o kapag nakikipagbahaginan ang mga kapatid tungkol sa katotohanan? Ang ilan ay natutulog, ang ilan ay tumitingin sa kanilang telepono at nagbabasa ng balita, ang ilan naman ay nakikipagdaldalan sa iba, at ang ilan ay naglalaro ng online games. Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, iniisip nila na sa sambahayan ng Diyos, kung hindi sila magugustuhan ng iba, hindi mapapaboran ng iba, kung hindi sila mapapalibutan ng mga tagasuporta, at hindi sila maaatasan ng mahahalagang gampanin, kung gayon, hindi sila makakapamuno bilang mga hari kasama ang Diyos sa hinaharap, at kaya, para sa kanila ay hindi umiiral ang Diyos. Para sa kanila, ang pag-iral ng Diyos ay nakaugnay sa kung maaari ba silang makatanggap ng mga pagpapala o hindi. Hindi ba’t ganito umasal ang mga anticristo? Naniniwala sila na kung hindi sila pagpapalain ng Diyos, hindi Siya Diyos at wala Siyang katotohanan, at na ang Diyos lang ang maaaring magtulot sa kanila na kumilos nang walang pakundangan, humawak ng kapangyarihan sa iglesia, at mamuno bilang mga hari sa hinaharap. Ito ang lohika ni Satanas—binabaliktad nito ang tama at mali, at binabaluktot ang mga katunayan. Bilang mga mananampalataya sa Diyos, kaya hindi nila masundan ang mga yapak ng Diyos at ayaw nilang gawin ang kanilang tungkulin ay dahil tutol sila sa katotohanan, dahil sa kanilang puso, iginagalang lamang nila ang mga pilosopiya ni Satanas, ang kaalaman, kasikatan, pakinabang, at posisyon. Itinatatwa nila na ang Diyos ay katotohanan, hindi nila binibigyang-pansin ang gawain ng Diyos, at kaya, sa mga pagtitipon, tumitingin sila sa kanilang mga telepono, naglalaro, nagmemeryenda, at kaswal na nakikipagdaldalan—ginagawa nila ang anumang gusto nila at nasisiyahan pa rin sila sa kanilang sarili. Sa sandaling mawasak ang kanilang mga pag-aasam na pagpalain, wala na silang nakikitang kabuluhan sa pananalig sa Diyos, at kapag wala silang nakikitang kabuluhan sa pananalig sa Diyos, itinuturing nila ang iglesia—ang lugar kung saan nagtitipon ang mga kapatid—bilang isang palaruan, itinuturing nilang oras ng paglilibang ang oras ng pagtitipon, at para sa kanila, ang mga pagtitipon at pakikinig sa mga sermon ay nakakasakal, nakakabagot at nakakainip. Ano ang tingin nila sa mga sermon na pinakikinggan ng mga kapatid at sa katotohanan? Itinuturing nila ang mga ito bilang mga islogan, bilang walang batayang kalokohan, at nasasayangan sila sa oras na ginugol sa pakikipagtipon sa mga kapatid. Hindi ba’t nabunyag na ang mga taong ito? Dinadala nila ang kanilang mga ambisyon, mga pagnanais, at mga ilusyon sa kanilang pananalig sa Diyos, at senyales ito na tumutukoy na hindi nila magagawang sumunod sa landas hanggang sa huli, at na hindi sila karapat-dapat kahit sa pagseserbisyo para sa gawain ng Diyos at sa plano ng pamamahala ng Diyos. Hinahamak nila ang mga nakikinig sa sermon at ang mga kapatid na naghahangad sa katotohanan, at higit pa roon, itinatatwa nila ang gawain ng Diyos, ang pag-iral ng Diyos, at ang pag-iral ng katunayan ng plano ng pamamahala ng Diyos.
Kapag naiisip ng mga anticristo—ang mga taong iyon na tutol sa katotohanan—na walang idudulot na pakinabang sa kanila ang pananampalataya sa Diyos, nabubunyag ang kanilang malademonyong mukha. Sa bahay, naglalagay ng kolorete sa mukha ang ilang babaeng anticristo hanggang sa magmukha na silang mga multo. Nagsusuot sila ng anumang nauuso o kaakit-akit para sa kabilang kasarian, at may ilan pa nga na palihim na naglalaro ng mahjong, nagsusugal, at naninigarilyo—ang mga taong ito ay masyadong kakila-kilabot at kasuklam-suklam. Pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos nang nagpapanggap, at ano ang nangyayari sa huli? Hindi nila kayang panindigan ito, hindi ba? Tanging ang katotohanan ang makapagbubunyag sa mga tao, at kung ang isang tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan, tutol sa katotohanan, at may malupit na disposisyon, kung gayon ay nakatakda siyang maging mapanlaban sa katotohanan at hindi na niya magagawang magpatuloy. Kailangan pa bang itiwalag ng iglesia ang mga gayong tao? Kailangan pa ba silang kondenahin ng Diyos? Kailangan pa bang itakwil ng Diyos ang gayong tao? Hindi, hindi sila pinapansin ng Diyos. Para sa Diyos, mga kulisap lang ang mga taong ito, hindi karapat-dapat kahit na maging mga tagapagserbisyo—sadyang hindi nila ito kaya. Kapag mayroon silang napakamapanghamak na saloobin tungkol sa mga pagtitipon, sa buhay iglesia, at sa kanilang tungkulin, ano ang pinatutunayan nito? Hindi sila binabantayan o pinoprotektahan ng Diyos, ni pinangungunahan ng Diyos. Hindi Siya nagsasagawa ng anumang gawain ng pagbibigay-liwanag, pagpapatnubay, o pagdidisiplina sa kanila, kaya’t di-kanais-nais at pangit ang buhay nila. Ngunit iniisip nila, “Hindi ako nananampalataya sa Diyos; malaya ako. Kayong mga nananampalataya sa Diyos, kailangan ninyong magdusa at magbayad ng halaga, talikuran ang inyong pamilya at propesyon, samantalang hindi ko kailangang magdusa ng kahit ano. Pwede akong maglibang sa bahay, magtamasa sa mga kasiyahan ng laman, at magsaya sa mga kaaliwan ng buhay.” Naniniwala sila na natamo na nila ang kaligayahan at kalayaan. Pinapansin ba sila ng Diyos? (Hindi.) Bakit hindi? Para sa Diyos, ang mga taong ito ay parang mga kulisap, hindi mga tao, at hindi karapat-dapat sa Kanyang atensiyon. Kung hindi sila pinapansin ng Diyos, ililigtas pa ba Niya sila? Hindi, hindi sila ililigtas ng Diyos. Kung gayon, may kinalaman ba sa Diyos ang ginagawa nila? May kaugnayan ba ito sa mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos? Wala. Samakatwid, sa panlabas, mukha silang namumuhay nang maginhawa, malaya, maluwag, at masaya araw-araw. Inisip mo ba na magandang bagay iyon? Isang sulyap lang sa kanilang isinasabuhay at sa landas na kanilang sinusundan, at malalaman mo nang katapusan na nila, na ayaw na ng Diyos sa kanila. Talagang mabaho ang mga kulisap na ito! Hindi pinapansin ng Diyos ang mga gayong tao.
Ang mga taong nagpupunyagi sa abot ng kanilang makakaya na mamuno bilang mga hari at maging kapantay ng Diyos sa darating na panahon, anuman ang kapaligiran at sitwasyon, ay mga mapagmatigas na elementong hindi na mababago, na kabilang sa mga anticristo. Ang mga gayong tao ay katulad ni Pablo; nagtatalo ang kalooban nila, nagkikimkim sila ng mga pagdududa sa Diyos, nilalabanan at pinagbabantaan nila ang Diyos, at lubos silang nag-aatubili kapag gumagawa, gumugugol ng kanilang sarili, nagtitiis ng mga paghihirap, at nagbabayad ng halaga. Ginagawa nila ang mga bagay na ito para lang ipagpalit sa isang korona at sa pamumuno bilang mga hari sa darating na kapanahunan. Hindi ba’t kahabag-habag pakinggan ang mga anticristo dahil sa buong prosesong ito? Sa totoo lang, hindi sila kahabag-habag. Bukod sa hindi sila kahabag-habag, medyo katawa-tawa rin sila. Pagkatapos sabihin ng Diyos ang napakaraming bagay, kung hindi mo pa rin nauunawaan ang katotohanan, kalimutan mo na lang; paanong hindi mo maunawaan ang gayon kadirektang wika? Paanong hindi mo maintindihan ang gayon kasimpleng pananaw? Kung hindi mo isinasagawa ang katotohanan, hindi mo makakamit ang pagbabago sa disposisyon o ang kaligtasan; at kahit pa nangako sa iyo ang Diyos, hindi mo iyon matatamo. Anumang ipinapangako ng Diyos sa tao ay may kondisyon; hindi Siya nangangako nang walang dahilan o mga kondisyon. May mga hinihingi ang Diyos sa tao, at hindi kailanman nagbabago ang mga hinihinging ito. Hindi lalabag ang Diyos sa katotohanan, at hindi rin Niya babaguhin ang Kanyang mga layunin. Kung naintindihan mo ang puntong ito, mapagmatigas ka pa rin bang kakapit sa iyong mga pagnanais at ambisyon? Tanging mga hangal at walang katwiran na tao ang mapagmatigas na kakapit sa mga ganitong bagay. Ang mga taong may normal na pagkamakatwiran at normal na pagkatao ay dapat bumitiw sa mga bagay na ito at maghangad sa nararapat nilang hangarin, tamuhin, at pasukin—dapat muna nilang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Pangalawa, ano pa ang dapat maunawaan ng mga taong may normal na pagkamakatwiran? May mga propesiya sa Bibliya na nagsasabing mamumuno tayo bilang mga hari kasama ang Diyos magpakailanman, at sa kasalukuyang gawain ng Diyos, binabanggit din Niya ang tao ng Diyos, mga panganay na anak, mga anak ng Diyos, mga tao ng Diyos, at iba pa, ikinaklasipika ang mga tao sa iba’t ibang antas at titulo. Dahil ipinangako ng Diyos ang mga bagay na ito sa tao, bakit hindi kayang hangarin ng mga tao ang mga ito? Kung gayon, ano ang dapat na tamang pagkaarok at tamang pamamaraan? Kung itinuturing ng isang tao bilang mga layon na dapat hangarin ang pamumuno bilang hari at ang mga pangako ng Diyos, ito ba ang tamang landas? Tiyak na hindi; hindi ito positibo, masyado itong nadungisan ng sariling kagustuhan ng tao, at taliwas sa katotohanan ang landas na ito. May ilang tao na nagsasabi, “Dahil ipinangako Mo ito, bakit hindi Mo kami pahintulutang matamo ito? Dahil sinabi Mo ang lahat ng bagay na ito at ipinahayag ang mga ito nang hayagan sa buong sangkatauhan, bakit hindi Mo kami pahintulutang hangarin ito?” Nauugnay ito sa katotohanan; walang sinuman ang nakaunawa nito mula pa sa pinakasimula hanggang ngayon. Sa aling aspekto ng katotohanan ito nauugnay? Kailangan mo itong tingnan sa ganitong paraan: Nangako ang Diyos sa tao, at mula sa Diyos, nalaman ng tao ang ideya ng pamumuno bilang mga hari, pati na rin ang iba’t ibang titulo tulad ng “tao ng Diyos,” “mga panganay na anak,” “mga anak ng Diyos,” at iba pa. Gayumpaman, mga titulo lang ito. Tungkol sa kung anong titulo ang tumutukoy sa kung sinong mga tao ay nakasalalay sa paghahangad at paggampan ng isang indibidwal. Anumang titulo ang ibinibigay sa iyo ng Lumikha, ganoon ka. Kung hindi ka Niya binibigyan ng titulo, ikaw ay walang kwenta; isang pangako lang ito mula sa Diyos, hindi isang bagay na may karapatan ang mga tao o na nararapat para sa kanila. Siyempre, ang pangakong ito ay isang layon na ninanais ng mga tao, pero ang layong ito ay hindi ang landas na dapat tahakin ng mga tao, at wala itong kinalaman sa landas na tinatahak ng mga tao. Sino ang may karapatan na magdesisyon sa usaping ito? (Ang Diyos.) Tama, kailangang maunawaan ito ng mga tao. Kung sasabihin ng Diyos na mayroon Siyang ibinibigay sa iyo, mayroon ka ng bagay na iyon; kung sinasabi Niyang binabawi Niya ito mula sa iyo, wala kang anumang pag-aari, wala kang kwenta. Kung sasabihin mo na, “Hahangarin ko ito kahit na hindi ito ibigay sa akin ng Diyos, at kung ibibigay ito sa akin ng Diyos, tatanggapin ko ito gaya nang inaasahan,” mali ito. Bakit mali ito? Lumalabag ito sa isang malaking kabawalan. Hindi mo kinikilala ang katunayan na ang Diyos ay palaging magiging Diyos at ang tao ay palaging magiging tao—ito ang dahilan kung bakit mali ito. May ilang tao na nagsasabi, “Ipinropesiya ito sa Bibliya. Sa maraming lugar, sinasabi sa Bibliya na mamumuno tayo bilang mga hari kasama ang Diyos magpasawalang hanggan. Bakit nasasabi ito ng Diyos pero hindi natin ito kayang hangarin?” Ito ba ang katwirang dapat taglayin ng isang nilikha? Itinuturing mong mabuting bagay ang pangako ng Diyos sa mga tao na mamuno bilang mga hari at hinahangad mo ito, pero nagsalita na rin ang Diyos tungkol sa mga tagapagserbisyo—hahangarin mo ba na magserbisyo nang maayos para sa Diyos? Hahangarin mo ba na maging isang kalipikadong tagapagserbisyo? Hinihingi rin ng Diyos sa mga tao na gawin ang kanilang tungkulin; hihingin mo ba sa sarili mo na gawin nang maayos ang iyong tungkulin? Hinihingi rin ng Diyos na kumilos ang mga tao bilang mga nilikha, at ano ang ginagawa mo? Itinuturing mo ba na layon mo ang pagiging isang kalipikadong nilikha at hahangarin mo ba ito? Ang sinabi ng Diyos na mamumuno ang mga tao bilang mga hari ay pangako Niya sa tao, at may pangunahing batayan at konteksto sa pangakong ito: Dapat kang maging isang mabuting nilikha, gawin mo nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha, iwaksi mo ang papel ng pagiging tagapagserbisyo, kamtin mo ang pagpapasakop sa Diyos at pagkatakot sa Lumikha. Sinabi ng Diyos na kapag nakamit mo ang lahat ng ito, magagawa mo nang mamuno bilang mga hari kasama ang Diyos magpakailanman—ito ang konteksto ng pagkasabi ng mga salitang ito. Walang katwiran ang mga tao. Sa sandaling marinig nila ito, iniisip nila, “Ang ganda na pwede tayong mamuno bilang mga hari kasama ang Diyos! Kailan mangyayari ito? Paano tayo mamumuno bilang mga hari? Paano tayo magiging kapantay ng Diyos? Sino ang mga paghaharian natin? Sino ang mga pamumunuan natin? Paano tayo maghahari? Paano tayo magiging mga hari?” Hindi ba’t walang katwiran ang mga tao? Bagama’t isa itong pangako ng Diyos sa tao, isang bagay na sinabi Niya para marinig ng tao, ipinapaalam sa mga tao na may ganitong kamangha-manghang bagay, dapat mo ring sukatin ang sarili mo—sino ka ba? May ganitong ideya ang Diyos at handa Siyang tulutan ang tao na mamuhay sa ganitong paraan kasama Niya, ngunit kalipikado ka bang makamit ito? Bakit hindi mo itanong sa Diyos, “Bago namin matamo ang pangakong ito, ano ang mga hinihingi mo sa amin? Mayroon Ka bang kailangang ipagawa sa amin? Ano ang kailangan muna naming makamit bago namin matamo ang pangakong ito?” Hindi mo tinatanong ang mga bagay na ito, basta mo na lang itong hinihingi. Hindi ba’t kawalan ito ng katwiran? Walang ganitong uri ng katwiran ang tao. Kapag nakakakita ang mga tao ng isang kapaki-pakinabang na bagay, inaabot nila ito at sinusunggaban. Ang mga tao ay parang mga bandido; kung hindi mo ibibigay sa kanila ang gusto nila, magagalit sila, magiging mapanlaban, at magsisimulang magsalita ng masama. Hindi ba’t ganito ang mga tao? Ganito ang imoralidad ng sangkatauhan.
Ang isang dahilan kung bakit walang katwiran ang tao ay na hindi pa rin nauunawaan ng mga tao ang katotohanan; wala itong kinalaman sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Ngunit kapag hindi ibinibigay sa kanila ang gusto nila, nagagalit sila, nagsasalita ng masama, namumuhi, at naghihiganti—ano ito? Ito ang paglitaw ng malademonyong mukha ni Satanas; ito ang kanilang mga satanikong tiwaling disposisyon. Kaya, ukol sa pangako ng Diyos sa sangkatauhan, ang ipinapamalas ng bawat tao sa harap ng Diyos ay hindi nakalulugod sa Kanya. Agad na iniaabot ng mga tao ang kanilang mga kamay, nagnanais, nang hindi nalalaman ang kanilang sariling sukat, agad na humihingi, at kapag hindi nila makuha ang kanilang hinihingi, nagninilay-nilay sila kung ano ang maaari nilang gamitin bilang kapalit nito. Tinatalikuran nila ang kanilang pamilya at propesyon, nagdurusa sila at nagbabayad ng halaga, nagpapakaabala at gumugugol ng kanilang sarili, ipinalalaganap nila ang ebanghelyo at nagkakamit sila ng mas maraming tao, nagtatrabaho sila nang higit pa, at ginagamit nila ang mga bagay na ito para ipagpalit sa gusto nila. Kung hindi nila maipagpalit ang mga bagay na ito para sa gusto nila, nagagalit sila, napupuno ng pagkamuhi ang puso nila, at nagiging tutol sila sa anumang may kinalaman sa pananalig sa Diyos. Kung pakiramdam nila ay maaari nilang ipagpalit ang mga bagay na ito para sa gusto nila, kung gayon ay araw-araw nilang pinananabikan na matapos na agad ang gawain ng Diyos, na mabilis na lipulin ng Diyos si Satanas, na mabilis na tapusin ang sangkatauhan, na mabilis na sugpuin ang mga sakuna, kung hindi, pakiramdam nila ay hindi nila makakayang magtagal. Ano ang ibinubunyag ng bawat tao sa presensiya ng katotohanan? Ibinubunyag nila ang mga disposisyon tulad ng pagiging tutol sa katotohanan at pagiging malupit. Kung titingnan ito ngayon, ang kayabangan, panlilinlang, at paminsan-minsang pagiging mapagmatigas ng mga tao ay maaaring ituring na banayad at hindi gaanong malubha sa lahat ng tiwaling disposisyon ng sangkatauhan. Ang mga tiwaling disposisyon na higit na taglay ng sangkatauhan, na mas malubha at mas malalim, ay iyong kabuktutan, pagiging tutol sa katotohanan, at pagiging malupit—ito ang mga nakamamatay na elemento sa mga tiwaling disposisyon ng tao. Siyempre, pagdating sa mga anticristo, mas lalong malubha ang mga disposisyong ito, at kapag ibinubunyag nila ang mga ito, hindi nila sineseryoso ang mga ito, hindi nila sinusuri ang mga ito, wala silang nararamdamang anumang pagkakautang sa Diyos, mas lalong hindi nila nararamdaman na mayroon silang anumang problema; hindi nila tinatanggap ang katotohanan, hindi nila kilala ang kanilang sarili, at lalong hindi posible para sa kanila na magsisi. Samakatwid, anuman ang sitwasyon, ang kapaligiran, o ang konteksto, itinuturing nila ang pamumuno bilang mga hari—ang pinakamatayog at pinakamagandang pangakong naibigkas ng Diyos—bilang kanilang layon na dapat nilang hangarin. Gaano ka man makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila bibitiwan ang paghahangad na ito, sa halip ay igigiit nilang sumunod sa kanilang sariling landas, at dahil dito, hindi sila maliligtas. Sobrang kakila-kilabot ng mga taong ito! Mula sa ibinubunyag ng mga taong ito, makikita mo mismo kung ano ang disposisyon at mukha ni Satanas. Napakaraming katotohanan na ang napagbahaginan, at iyong mga may katwiran, mga kayang tumanggap sa katotohanan, at may adhikaing sumunod at magpasakop ay tunay na nakakaunawa kung ano mismo ang layunin ng Diyos. Hindi na sila masidhing naghahangad ng posisyon, kinabukasan, at tadhana, kundi, handa na silang magsisi sa ilalim ng paglalantad ng mga salitang ito ng Diyos, handang bitiwan ang kanilang pagnanais para sa mga pagpapala, hangarin ang katotohanan, magpasakop sa Diyos, at palugurin ang Diyos, at magsikap na tamuhin ang kaligtasan. Kung titingnan ngayon ang mga panloob na pagnanais ng karamihan sa mga tao, nagkaroon ng malaking pagbabago ang mga layong hinahangad nila; handa na silang gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, maging mga tunay na nilikha, at matamo ang kaligtasan. Hindi nila ginagawa ang kanilang tungkulin para lang magkamit ng mga pagpapala, at hindi nila iniraraos lang ang mga bagay-bagay sa sambahayan ng Diyos alang-alang sa pagkamit ng mga pagpapala. Maliban sa mga anticristo, na palaging gustong mamuno bilang mga hari, karamihan sa mga tao ay handang hangarin ang katotohanan. Ang paghahangad ng kinabukasan, mga pagpapala, at pamumuno bilang mga hari ay itunuturing ng mga anticristo bilang mga layon at bunga na dapat nilang makamit sa huli sa kanilang pananalig sa Diyos, at sila lang ang gumagawa nito. Hindi sila bibitiw sa mga bagay na ito o magbabago ng landas kahit ano pa ang sabihin mo—hindi ba’t nasa malaking panganib sila? Alam na alam nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, sadyang hindi lang nila ito tinatanggap, kaya walang makakapagpabago sa kanila; maaari lamang silang itiwalag at parusahan. Ito ang panghuling resulta ng pananampalataya ng mga anticristo sa Diyos.
Malinaw Ko na bang naibahagi ngayon ang usaping ito ng paghahangad ng mga tao na mamuno bilang mga hari? Nagkaroon ba kayo ng bagong pagkaarok? Tama ba ang landas na ito ng paghahangad na mamuno bilang hari? (Hindi.) Kung gayon, paano dapat harapin ng mga tao ang usaping ito? Sa usaping ito, anong katotohanan ang dapat maunawaan para makilala ang diwa ng tao? Ang Diyos na ang bahala sa paghusga kung ano ang tunay na diwa at pag-uugali ng isang tao. Saan ibinabatay ng Diyos ang Kanyang paghuhusga sa lahat ng ito? Ibinabatay Niya ito sa katotohanan. Kaya, ang kalalabasan o hantungan ng isang tao ay hindi itinatakda ng sarili niyang kagustuhan, ni hindi ng sarili niyang hilig o imahinasyon. Ang Lumikha, ang Diyos, ang may huling salita. Paano dapat makipagtulungan ang mga tao sa mga gayong bagay? May iisang landas lamang na maaaring piliin ang mga tao: Kung hinahanap nila ang katotohanan, nauunawaan ang katotohanan, sinusunod ang mga salita ng Diyos, kung nakakapagpasakop sila sa Diyos, at nagtatamo ng kaligtasan, saka lang sila ganap na magkakaroon ng magandang katapusan at magandang tadhana. Hindi mahirap isipin ang mga hinaharap at tadhana ng mga tao kung gagawin nila ang kabaligtaran. Kaya sa bagay na ito, huwag tumuon sa kung ano ang ipinangako ng Diyos sa tao, kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol sa kalalabasan ng sangkatauhan, kung ano ang inihanda ng Diyos para sa sangkatauhan. Walang kinalaman ang mga ito sa iyo, gawain ang mga ito ng Diyos, hindi mo maaaring makuha, maipagmakaawa, o maipagpalitan ang mga ito. Bilang isang nilikha, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong gawin ang iyong tungkulin, gawin ang nararapat mong gawin nang buong puso, isip at lakas mo. Ang iba—mga bagay na may kinalaman sa mga hinaharap at tadhana, at ang kahahantungan ng sangkatauhan sa hinaharap—hindi ito mga bagay na mapagpapasyahan mo, nasa mga kamay ng Diyos ang mga ito; ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, isinaayos Niya ito at walang kinalaman sa sinumang nilikha. Sinasabi ng ilang tao, “Bakit ito sinasabi sa amin kung wala naman pala itong kinalaman sa amin?” Bagama’t walang kinalaman ito sa inyo, mayroon itong kinalaman sa Diyos. Ang Diyos lamang ang nakakaalam ng mga bagay na ito, ang Diyos lamang ang makapagsasalita ukol sa mga ito, at ang Diyos lamang ang may karapatang ipangako ang mga bagay na ito sa sangkatauhan. At kung nalalaman ng Diyos ang mga ito, hindi ba’t dapat magsalita ang Diyos tungkol sa mga ito? Isang pagkakamali na hangarin pa rin ang iyong mga hinaharap at tadhana kapag hindi mo alam kung ano ang mga ito. Hindi hiningi ng Diyos sa iyo na hangarin ang mga ito, ipinapaalam lamang Niya sa iyo; kung nagkakamali ka ng paniniwalang sinasabi sa iyo ng Diyos na gawin itong layon ng iyong paghahangad, kung gayon, lubos kang walang katwiran, at hindi mo taglay ang isipan ng normal na pagkatao. Sapat nang may kabatiran sa lahat ng ipinapangako ng Diyos. Dapat mong kilalanin ang isang katotohanan: Anumang uri ng pangako ito, mabuti man ito o pangkaraniwan, kalugod-lugod man ito o hindi interesante, ang lahat ay nakapaloob sa kataas-taasang kapangyarihan, mga pagsasaayos, at mga pagtatakda ng Lumikha. Ang pagsunod at paghahangad lamang ayon sa tamang direksyon at landas na ipinakita ng Lumikha ang siyang tungkulin at obligasyon ng isang nilikha. Tungkol sa kung ano ang makakamit mo sa huli, at ang bahagi ng alin sa mga pangako ng Diyos ang matatanggap mo, nakabatay itong lahat sa iyong paghahangad, sa landas na iyong tinatahak, at sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Malinaw na ba sa inyo ang mga salitang ito ngayon? (Oo.) At makatutulong ba ang mga salitang ito na matugunan ang inyong mga ambisyon at pagnanais, o makatutulong ba ang mga ito sa inyo na sumunod sa tamang landas sa buhay para sa paghahangad sa katotohanan? (Makatutulong sa amin ang mga ito na hangarin ang katotohanan at sundan ang tamang landas sa buhay.) Para sa mga nagtataglay ng normal na pagkatao at katwiran, na nagmamahal sa mga positibong bagay at sa katotohanan, bukod sa hindi sila nadidismaya kapag naririnig nila ang mga salitang ito, nagiging matatag na tapat din sila sa kanilang paghahangad sa katotohanan at pagtanggap sa pagliligtas ng Diyos; gayumpaman, ang mga walang normal na pagkamakatwiran, ang mga hindi normal na tao na mapagmatigas na naghahangad ng mga pagpapala, interes ng laman, at katugunan ng kanilang mga ambisyon at pagnanais, ay maaaring mawalan ng kasigasigan kapag narinig nila ang mga salitang ito, at mawalan din ng interes sa pananampalataya sa Diyos. Siyempre, mayroon ding ilang tao na hindi alam kung paano manampalataya kapag narinig nila ang mga salitang ito. Hindi ba’t napakahalaga para sa mga tao na maunawaan ang katotohanan? Hindi ba’t mas naaakay ng katotohanan ang mga tao na sumunod sa tamang landas at palugurin ang Diyos? (Oo.) Tanging ang katotohanan ang makakapagbigay-daan sa mga tao na matamo ang kaligtasan; kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, madalas kang maliligaw, magkakamali, at magdurusa ng mga kawalan kapag nasa landas patungong kaligtasan, at kapag umabot ka na sa dulo ng landas sa iyong pananalig, hindi ka magtataglay ng anumang katotohanang realidad at ikaw ay lubusang magiging isang tagapagserbisyo. Kung sa lahat ng taon ng pananampalataya mo sa Diyos ay ginagampanan mo ang papel ng isang tagapagserbisyo at hindi mo magawang maging isang kalipikadong nilikha sa huli, kung gayon ay isa iyong trahedya.
Mayo 9, 2020