Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikasampung Bahagi)

II. Ang mga Interes ng mga Anticristo

D. Ang Kanilang mga Kinabukasan at Kapalaran

Anong paksa ang pinagbahaginan natin noong huli nating pagtitipon? (Nagbahagi ang Diyos tungkol sa mga paraan kung paano itinuturing ng mga anticristo ang titulong “tagapagserbisyo.” Una, nagbahagi ang Diyos kung paano binibigyang-kahulugan ng Diyos ang titulong “tagapagserbisyo.” Nagbahagi rin ang Diyos tungkol sa pagkakaiba ng isang taong iniwan na ang kalagayan ng isang tagapagserbisyo at ng isang taong nananatili pa ring tagapagserbisyo, at panghuli ay naghimay ang Diyos ng mga pananaw at paghahangad ng mga anticristo ukol sa titulong “tagapagserbisyo.”) Kaya, ano ang pananaw at saloobin ng mga anticristo sa titulong “tagapagserbisyo”? Ano ang sinasabi at ginagawa nila? (Ang saloobin ng mga anticristo sa titulong “tagapagserbisyo” ay isang pagtanggi at pagkasuklam. Hindi nila tinatanggap ang titulo kahit kanino pa ito galing, at naniniwala silang nakakababa ng dangal ang pagiging tagapagserbisyo. Naniniwala silang hindi itinatakda ng Diyos ang mga tagapagserbisyo batay sa diwa ng sangkatauhan, kundi sa halip ay hinahamon at kinukutya ng Diyos ang pagkakakilanlan at halaga ng tao.) (Sinasabi ng mga anticristo ang sikat na pariralang ito: “Hindi ako magpapakapagod nang walang nakakakita habang ang iba ay nakakakuha ng atensyon.” Gusto lang ng mga anticristo na magserbisyo sa kanila ang iba at iniisip nilang nakakahiyang gawain ang magserbisyo sa Diyos, kaya kapag napagtanto nilang sila mismo ay mga tagapagserbisyo, ayaw na nilang ipagpatuloy ang pagseserbisyo sa sambahayan ng Diyos at sa halip ay sisimulan nilang maghanap ng paraan para makaiwas, at magdudulot pa nga sila ng mga paggambala at panggugulo, at gagawa ng mga nakakawasak na bagay.) Batay sa saloobin ng mga anticristo ukol sa titulong “tagapagserbisyo,” ano ang nakikita nating diwa nila? (Ang diwa nila ay isang diwang mapanlaban sa Diyos at namumuhi sa katotohanan.) At ano ang disposisyong ito, kapag ang diwa nila ay isang diwang mapanlaban sa Diyos at sa katotohanan? (Isa itong buktot at malupit na disposisyon.) Tama, isa itong buktot at malupit na disposisyon. Ano ang unang motibasyon at layunin ng mga anticristo sa paniniwala nila sa Diyos? Anong gusto nilang makamit? Ano ang mga ambisyon at pagnanais nila? Dumarating ba sila para maging mga tagapagserbisyo? Dumarating ba sila batay sa saloobin ng pagiging mabuting tao at pagsunod sa tamang landas sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos? (Hindi.) Kaya ano ang dahilan ng pagdating nila? Para mas tumpak, dumarating sila para sa mga pagpapala, at para maging partikular, naghahangad silang mamuno bilang mga hari, mamuno bilang mga hari kasama ng Diyos, at naghahangad sila ng matatayog at mga dakilang bagay. Kaya, kapag sinasabi ng Diyos na mga tagapagserbisyo ang mga tao, ganap itong salungat at taliwas sa mga ambisyon at pagnanais ng mga anticristo na maghangad ng mga pagpapala at mamuno bilang mga hari, iba ito sa mga inaasahan nila, at hindi nila kailanman naisip na bibigyan ng Diyos ng ganitong titulo ang mga tao. Hindi matanggap ng mga anticristo ang katunayang ito. At anong mga bagay ang kaya nilang gawin kapag hindi nila matanggap ang katunayang ito? Naghahangad ba silang matanggap ang katunayang ito at mabago ang sarili nila? Hindi sila naghahangad na matanggap ang katunayang ito, ni naghahangad na mabago ang mga ambisyon at disposisyon nila. Samakatuwid, kapag nasabihan sila na sila ay mga tagapagserbisyo at naalis ang layunin at pagnanais nilang magtamo ng mga pagpapala, hindi na sila nakakapanindigan sa iglesia. Sa sandaling mapagtanto nila ang katotohanan at malamang ang mga taong tulad nila na may ganoong mga pagpapamalas ay mga tagapagserbisyo, tuluyan na silang nawawalan ng pag-asa at ibinubunyag nila ang tunay nilang kulay. Hindi sila naghahangad na mabago ang sitwasyon nila bilang mga tagapagserbisyo, ni naghahangad na mabago ang maling saloobin at pananaw nila ukol sa titulong “mga tagapagserbisyo” at sundan ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Kaya, kahit ano pang mga pagsasaayos ang gawin ng Diyos, ang ganoong mga tao ay hindi magpapasakop o tatanggap ng mga iyon, at hindi nila hahanapin ang katotohanan. Sa halip, pinipilit nilang isipin ang paraan ng tao para maalis sa kanila ang titulong ito, at gagawin nila ang lahat para maiwaksi ang pagkakakilanlang ito. Batay sa pagpapamalas na ito na ipinapakita ng mga anticristo, sagad sa kailaliman ng pagkatao ang pagtutol ng mga anticristo sa katotohanan. Hindi nila minamahal ang katotohanan, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, at may sarili silang mga ideya at kuru-kuro tungkol sa katotohanan, pero hindi sa normal na paraan. Sa halip, sa kaibuturan ng mga puso nila ay nakakaramdam sila ng matinding pagtutol, pagkamuhi, at maging pagkamapanlaban sa mga positibong bagay at sa katotohanan—ito ang diwa ng mga anticristo.

Mula sa mga sagot ninyo ngayon lang, nakikita Kong hindi ninyo naibuod ang nilalaman ng bawat pagbabahaginan, at pagkatapos ay hindi kayo nagdasal-nagbasa o nagnilay. Noong nakaraan ay nagbahaginan tayo tungkol sa tatlong pangunahing aspekto: Ang una ay ang pagtukoy kung ano ang mga tagapagserbisyo; ang ikalawa ay ang mga paraan kung paano itinuturing ng mga anticristo ang titulong “tagapagserbisyo” o, para maging partikular, kung ano talaga ang mga pagpapamalas at pag-uugali ng pagtutol nila na maging mga tagapagserbisyo, at kung ano talaga ang mga dahilan sa likod niyon; at ang ikatlo ay kung ano ang layunin ng mga anticristo sapagkat ayaw nilang maging mga tagapagserbisyo, ibig sabihin, ano ang mga ambisyon nila, at ano ang layunin nila sa pananampalataya sa Diyos. Sa madaling salita, pinagbahaginan natin ang tungkol sa nakapaloob na paksang “ang mga paraan kung paano itinuturing ng mga anticristo ang titulong ‘tagapagserbisyo’” mula sa tatlong aspektong ito, at sa pamamagitan ng tatlong aspektong ito ay hinimay natin ang iba’t ibang pagsasagawa at pag-uugaling ginagamit ng mga anticristo sa pagharap nila sa titulong “tagapagserbisyo,” pati na ang mga kaisipan at pananaw nila tungkol dito. Hindi ninyo pinag-iisipan ang nilalaman ng bawat pagbabahaginan pagkatapos ninyo itong mapakinggan. Panandalian lang ninyong natatandaan ang mga bagay na ito, pero kung mahabang panahon ang lilipas, ni hindi ninyo matatandaan ang mga bagay na ito. Kung gusto ninyong maunawaan at makamit ang katotohanan, dapat kayong magsumikap sa puso ninyo at madalas na magdasal-magbasa at magnilay—nasa puso ninyo dapat ang mga bagay na ito. Kung hindi, kung hindi mo isasapuso ang mga bagay na ito at hindi magsisikap, at hindi mo iisipin ang mga bagay na ito sa puso mo, wala kayong anumang makakamtan. Sinasabi ng ilang tao, “Napakalayo sa akin ng usapin ng mga anticristo. Hindi ko balak na maging isang anticristo at hindi ako isang masamang tao na gaya nila. Magiging masunurin ako kahit walang halagang tao, at ayos lang iyon sa akin. Gagawin ko ang anumang ipapagawa sa akin at hindi ko susundan ang landas ng isang anticristo. Bukod pa rito kahit na may kaunti akong disposisyon ng anticristo, unti-unti ko itong babaguhin sa paglipas ng panahon, at karaniwang tiwaling disposisyon lang iyon at hindi ganoon kalala. Walang saysay na pakinggan ito.” Tama ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Bakit hindi? Kung gustong matamo ng isang tao ang disposisyonal na pagbabago, pinakamahalaga ay dapat niyang maarok kung anong mga kalagayan, kaisipan, at pananaw ang pwedeng mabuo mula sa mga tiwaling disposisyon niya sa lahat ng uri ng sitwasyon. Sa pamamagitan lamang ng pag-arok sa mga bagay na ito niya malalaman kung ano ang sarili niyang mga tiwaling disposisyon, kung sa anong mga aspekto niya nilalabanan ang Diyos at sinasalungat ang katotohanan, at kung anong mga bagay sa loob niya ang sumasalungat sa katotohanan; sa sandaling malaman niya ang mga bagay na ito, malulutas na niya ang mga problema at tiwaling disposisyong ito, at magkakamit na siya ng pagpasok sa katotohanang realidad. Kung wala kang pag-arok sa iba’t ibang tiwaling disposisyon na nabubunyag o sa iba’t ibang kalagayang pwedeng lumitaw sa iba’t ibang sitwasyon, at wala kang pag-arok sa mga paraan kung paano sinasalungat ng mga bagay na ito ang katotohanan o kung saan nagmumula ang mga problema, paano mo malulutas ang mga problemang ito kung ganoon? Kung gusto mong malutas ang mga problemang ito, dapat mo munang maarok kung nasaan ang pinagmumulan ng mga ito, kung ano ang mga kalagayan ng mga ito, kung saan nanggagaling ang mga partikular na problema, at pagkatapos ay simulan mong lutasin kung paano ka papasok. Sa ganitong paraan, isa-isang malulutas ang mga tiwaling disposisyon mo at ang iba’t ibang kalagayang lumilitaw. Tila hindi pa masyadong maliwanag sa inyo ang tungkol sa pagpasok sa katotohanang realidad o sa paglutas sa mga tiwaling disposisyon at pagkakamit ng disposisyonal na pagbabago; wala pa rin kayo sa tamang landas.

5. Kung Paano Hinaharap ng mga Anticristo ang Katayuan Nila sa Iglesia

Ngayon, pagbabahaginan natin ang huling paksa tungkol sa mga interes ng mga anticristo: kung paano hinaharap ng mga anticristo ang katayuan nila sa iglesia. Pagdating sa katayuan nila sa iglesia, kung anong mga pagpapamalas ang ipinapakita ng mga anticristo, kung ano ang mga ginagawa nila, at kung ano ang mga pananaw at disposisyong diwa nila kapag ginagawa nila ang mga bagay na iyon—hahatiin natin ang mga ito sa tatlong aspekto at isa-isang hihimayin ang mga ito. Ang unang aspekto ay “may pagkukunwari,” ang ikalawa ay “may pagpapanggap,” at ang ikatlo ay “sa pamamagitan ng pangingibabaw sa lahat.” Ang bawat isa sa tatlong aspektong ito ay isinulat sa kaunting salita at maituturing na pinaikli, pero marami sa iba’t ibang kilos, pagpapamalas, at bukambibig ng mga anticristo, pati na sa mga saloobin at disposisyon nila ang nakapaloob sa bawat isa. Pag-isipan na ninyo ngayon kung bakit tinukoy Ko ang tatlong aspektong ito para pagbahaginan ang paksa ngayon araw. Paano ninyo binigyang-kahulugan sa mga isip ninyo ang paksang kung paano hinaharap ng mga anticristo ang katayuan nila sa iglesia pagkatapos ninyo itong basahin? Ano ang mga naging ideya ninyo? Ang tumatakbo sa isip ng karamihan ng tao ay walang dudang ang paniniil ng mga anticristo, ang paggiit nila ng katayuan, ang pagkuha nila sa loob ng mga tao, at ang pag-agaw nila ng kapangyarihan sa iglesia, ibig sabihin, palagi nilang gustong maging mga opisyal, igiit ang katayuan nila, hawakan ang kapangyarihan, at kontrolin ang mga tao—sa madaling salita, ito ang mga bagay na iniisip ng mga tao. Ito ay medyo halatang mga aspektong madalas ipinapamalas ng mga anticristo sa iglesia, kaya bukod sa mga ito, ano pa ang ibang pagpapamalas na hindi nakikita ng mga tao? Ano pa ang ginagawa ng mga anticristo para may matibay silang mapanghawakan sa iglesia, para magkamit ng katayuan at mataas na karangalan at para makakuha pa nga ng kapangyarihan at makontrol ang mas maraming tao? Ano pa ang ibang pagpapamalas nila? Ang mga bagay na ito ay ang mga mas mapanligaw, lihim na mapanira, at pailalim na paraan at diskarteng ginagamit ng mga anticristo, at pwede ring ang mga hindi nalalamang kaisipan at nakatagong layunin at mithiin sa kaibuturan ng mga puso nila, tama ba? Kaya, isa-isa nating pagbahaginan ang tungkol sa mga ito.

a. Nang may Pagkukunwari

Ang unang aspekto ay “may pagkukunwari.” Ang literal na kahulugan ng salitang “pagkukunwari” ay madaling unawain at malinaw na hindi ito kapuri-puri. Kapag sinasabing ang isang tao ay magaling sa pagkukunwari, na ang lahat ng ginagawa niya ay pagkukunwari, na ang lahat ng ginagawa niya ay di-maaarok ng iba, at mababaw lang siyang kumikilos at nakikipag-usap sa iba, kung ganoon, ang isang taong kumikilos at umaasal sa ganoong paraan ay paniguradong isang napakamapanlinlang na tao. Hindi siya matapat na tao, at hindi siya isang simple, taong taos-puso, kundi sa halip ay napakagaling niya sa pagmamanipula ng isip, napakapino niya, at napakagaling niya sa panlilinlang ng iba. Ito ang pinakapangunahing pagkaunawa sa salitang “pagkukunwari.” Kaya, kung ganoon ay ano ang kaugnayan sa pagitan ng pag-uugali at mga kilos ng mga anticristo at ng ganitong uri ng pag-uugali? Ano ang ginagawa nila na nagpapakitang may diwa sila ng pagkukunwari? Ano ba talaga ang layunin nila sa pagkukunwari? Ano ba talaga ang intensyon nila? Bakit kailangan nilang magkunwari? Malapit ang kaugnayan ng mga bagay na ito sa paksang pagbabahaginan natin ngayon.

Ang mga anticristo ay mga taong ayaw mapag-iwanan ng iba. Ayaw nilang dumepende sa iba, ayaw nilang tumanggap ng mga utos, tagubilin, at atas ng ibang tao, at ayaw nilang maging karaniwan at hamakin ng iba. Sa halip, mga tao silang nagnanais ng karangalan, na maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, at labis silang pahalagahan ng iba. Bukod dito, sa iglesia at sa ibang tao, lalo pa nilang gustong maging mga taong nag-uutos at nagtatagubilin sa iba na gumawa ng mga bagay para sa kanila. Gusto nilang ipatupad ang kagustuhan nila sa pamamagitan ng sarili nilang karangalan, impluwensiya, at ng kapangyarihang hawak nila, at ayaw nilang maging mga karaniwang taong pwedeng utus-utusan at tagubilinan ng sinumang gumawa ng mga bagay-bagay. Ito ang mga paghahangad at pagnanais ng mga anticristo sa ibang tao. Medyo sensitibo ang mga anticristo pagdating sa katayuan nila sa ibang tao. Kapag nasa isang grupo, hindi sila naniniwalang may anumang kabuluhan ang edad at pisikal na kalusugan nila. Ang pinaniniwalaan nilang mahalaga ay kung ano ang tingin sa kanila ng karamihan, kung binibigyan ba sila ng oras at lugar ng karamihan sa pananalita at kilos nila, kung mataas o pangkaraniwan ang katayuan at posisyon nila sa mga puso ng karamihan, kung mataas o pangkaraniwan o hindi espesyal ang tingin sa kanila ng karamihan, at iba pa; kung ano ang palagay ng karamihan sa mga kredensyal nila sa pananampalataya sa Diyos, kung gaano kabigat ang mga salita nila sa mga tao, ibig sabihin, kung gaano karaming tao ang sumasang-ayon sa kanila, kung gaano karaming tao ang pumupuri sa kanila, nagpapakita sa kanila ng pagsuporta, nakikinig nang mabuti sa kanila, at tinatandaan ang mga sinasabi nila; higit pa rito, kung ang tingin sa kanila ng karamihan ay may malakas o mahinang pananampalataya, kung gaano sila kadeterminadong magtiis ng pagdurusa, kung gaano kalaki ang isinasakripisyo at iginugugol nila, kung ano ang mga kontribusyon nila sa sambahayan ng Diyos, kung mataas o mababa ang katungkulang hawak nila sa sambahayan ng Diyos, kung ano na ang dati nilang pinagdusahan, at kung anong mahahalagang bagay ang nagawa nila—pinakapinahahalagahan nila ang mga bagay na ito. Madalas na inuuri ng mga anticristo ang posisyon at pagkakasunod-sunod sa isip nila, madalas nilang ikinukumpara kung sino ang may pinakamaraming kaloob sa iglesia, kung sino ang pinakamahusay magsalita at magaling magpahayag sa iglesia, kung sino ang magaling sa mga propesyonal na kasanayan at pinakamaalam sa teknolohiya. Habang pinagkukumpara nila ang mga bagay na ito, palagi silang nagsusumikap na mag-aral ng iba’t ibang propesyonal na kasanayan, nagsisikap na maging maalam at may kadalubhasaan sa mga ito. Pangunahing pinagtutuonan ng pansin ng mga anticristo ang pagsusumikap sa pagbibigay ng mga sermon at kung paano ipapaliwanag ang mga salita ng Diyos sa paraang nakakapagpasikat sila at nakukumbinsi ang iba na tingnan sila nang mataas. Habang pinagsisikapan nila ito, hindi nila hinahanap kung paano maunawaan ang katotohanan o kung paano pumasok sa katotohanang realidad, kundi sa halip ay pinag-iisipan nila kung paano matatandaan ang mga salitang ito, kung paano nila maipapangalandakan ang mga kalakasan nila sa mas marami pang tao, para mas marami pang tao ang makaalam na talagang pambihira sila, na hindi sila basta mga karaniwang tao, na may kakayahan sila, at na mas mataas sila kaysa sa mga karaniwang tao. Dahil may ganitong uri ng mga ideya, layunin, at pananaw, namumuhay ang mga anticristo kasama ang mga tao na gumagawa ng lahat ng uri ng iba’t ibang bagay. Dahil taglay nila ang mga pananaw na ito, at dahil taglay nila ang mga paghahangad at ambisyong ito, hindi nila maiwasang magdulot ng magagandang pag-uugali, mga tamang bukambibig, at lahat ng uri ng mabubuting kilos, malalaki at maliliit. Ang mga pag-uugali at kilos na ito ay nagdudulot sa mga taong walang espirituwal na pang-unawa, na hindi talaga naghahangad ng katotohanan at nakatuon lang sa pagkakaroon ng magandang pag-uugali, na mainggit at humanga sa mga anticristo, at tumulad at sumunod pa nga sa kanila, at sa ganitong paraan, natutupad ang layunin ng mga anticristo. Kapag may ganoong mga layunin at ambisyon ang mga antictisto, paano sila umaasal? Ito ang pagbabahaginan natin ngayon. Isa itong paksang karapat-dapat na pagtuonan ng pansin at alamin ng bawat isa sa inyo.

Ang mga anticristo ay tutol sa katotohanan, hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan—na malinaw na nagpapakita ng isang katunayan: Hindi kailanman kumikilos ang mga anticristo ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan—na siyang pinakalantarang pagpapamalas ng isang anticristo. Bukod sa reputasyon at katayuan, at sa pagiging pinagpala at ginagantimpalaan, isa pang bagay na hinahangad nila ay ang magtamasa ng mga kaginhawahan ng katawan at ng mga pakinabang ng katayuan; at dahil dito, natural na nagsasanhi sila ng mga pagkagambala at kaguluhan. Ipinapakita ng mga katunayang ito na ang kanilang hinahangad, at ang pag-uugali at pagpapamalas nila ay hindi minamahal ng Diyos. At ang mga ito ay tiyak na hindi ang mga kilos at pag-uugali ng mga taong naghahangad ng katotohanan. Halimbawa, ang ilang anticristo na katulad ni Pablo ay may determinasyong magdusa kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin, kaya nilang magpuyat buong gabi at hindi kumain kapag ginagawa ang kanilang gawain, kaya nilang supilin ang sarili nilang katawan, kaya nilang malampasan ang anumang sakit at paghihirap. At ano ang layon nila sa paggawa ng lahat ng ito? Ang ipakita sa lahat na kaya nilang isantabi ang kanilang sarili—na magpakasakit—pagdating sa atas ng Diyos; na para sa kanila, ang mayroon lamang ay tungkulin. Ipinapakita nila ang lahat ng ito sa harap ng ibang mga tao. Kapag may mga tao sa paligid, hindi sila nagpapahinga kahit kailangan na, sadya pa ngang pinahahaba ang oras nila sa trabaho, gumigising nang maaga at natutulog nang gabing-gabi na. Ngunit kumusta naman ang kahusayan sa trabaho at pagiging epektibo ng kanilang tungkulin kapag nagpapagod nang ganito ang mga anticristo mula umaga hanggang gabi? Ang mga bagay na ito ay hindi saklaw ng kanilang mga pagsasaalang-alang. Sinisikap lamang nilang gawin ang lahat ng ito sa harap ng iba, para makita ng ibang mga tao na nagdurusa sila, at makita kung paano sila gumugugol para sa Diyos nang hindi iniisip ang kanilang sarili. Tungkol naman sa kung ang tungkuling ginagampanan nila at ang gawaing ginagawa nila ay isinasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila talaga pinag-iisipan ito. Ang tanging iniisip nila ay kung nakita ba ng lahat ang mabuting ugaling ipinapakita nila, kung batid ba ito ng lahat, kung nag-iwan ba sila ng impresyon sa lahat, at kung maghihikayat ba ang impresyong ito na hangaan at sang-ayunan sila, kung sasang-ayunan ba sila ng mga taong ito kahit hindi nila alam at pupurihin sila sa pagsasabing, “Kaya talaga nilang tiisin ang hirap, hindi mapapantayan ng sinuman sa atin ang kanilang pagtitiis at pambihirang pagtitiyaga. Ito ay isang taong naghahangad ng katotohanan, na nagagawang magdusa at magtiis ng mabigat na pasanin, isa siyang haligi sa iglesia.” Kapag naririnig ito, nasisiyahan ang mga anticristo. Iniisip nila sa kanilang puso, “Napakamautak ko na nagkunwari ako nang gayon, napakatalino ko na ginawa ko ito! Alam ko na panlabas lamang ang titingnan ng lahat, at gusto nila ang mabubuting pag-uugaling ito. Alam ko na kung kikilos ako nang ganito, matatamo nito ang pagsang-ayon ng mga tao, magiging dahilan ito para aprubahan nila ako, hahangaan nila ako sa kaibuturan ng kanilang puso dahil dito, maging mas positibo ang tingin nila sa akin, at hindi na ako hahamakin ng sinuman kailanman. At kung dumating ang araw na matuklasan ng itaas na hindi ako gumagawa ng tunay na gawain at tanggalin ako, siguradong maraming taong magtatanggol sa akin, iiyak para sa akin, at hihimukin akong manatili, at magsasalita alang-alang sa akin.” Palihim silang nagagalak sa huwad nilang pag-uugali—at hindi ba nagpapakita rin ang kagalakang ito ng kalikasang diwa ng isang anticristo? At ano ang diwang ito? (Kabuktutan.) Tama iyan—ito ang diwa ng kabuktutan. Dahil pinangingibabawan nitong diwa ng kabuktutan, nagdudulot ang mga anticristo ng kalagayan ng pagiging kampante at paghanga sa sarili na nagdudulot sa kanilang lihim na magprotesta at lumaban sa Diyos sa mga puso nila. Sa panlabas, tila labis silang nagpapakasakit at matinding pagdurusa ang tinitiis ng laman nila, pero talaga bang isinasaalang-alang nila ang pasanin ng Diyos? Tunay ba nilang ginugugol ang sarili nila para sa Diyos? Kaya ba nilang gawin nang tapat ang tungkulin nila? Hindi, hindi nila kaya. Sa mga puso nila, palihim silang nakikipagkumpitensya sa Diyos, nag-iisip na, “Hindi ba sinabi mong hindi ko taglay ang katotohanan? Hindi ba sinabi mong may mga tiwaling disposisyon ako? Hindi ba sinabi mong mapagmataas at palalo ako, at na sinusubukan kong magtatag ng sarili kong kaharian? Hindi ba sinabi mong wala akong espirituwal na pang-unawa, na hindi ko nauunawaan ang katotohanan, kaya isa akong tagapagserbisyo? Ipapakita ko sa iyo kung paano ako magserbisyo, at kung ano ang iniisip sa akin ng mga kapatid kapag nagseserbisyo ako nang ganito at kumikilos ako nang ganito. Ipapakita ko sa iyo kung kaya kong makuha ang paghanga ng mas marami pang tao o hindi sa pamamagitan ng pagkilos nang ganito. At isang araw, kapag gusto mo akong patalsikin at kondenahin, tingnan ko kung paano mo talaga magagawa iyon!” Sa ganitong paraan nakikipagkumpitensya ang mga anticristo sa Diyos sa puso nila at sinusubukan nilang palitan ang paghahangad ng katotohanan ng mabubuting pag-uugaling ito. Sa paggawa nito, sinusubukan nilang pawalang-saysay ang praktikal na epekto ng paggawa ng Diyos at pamumuno Niya sa mga tao na isagawa ang katotohanan para magtamo sila ng pagbabagong disposisyonal. Sa diwa, ginagamit nila ang interpretasyong ito para pawalang-saysay at kondenahin ang gawain ng Diyos ng pagliligtas sa tao sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo, at naniniwala silang mali at hindi epektibong hatulan ng Diyos ang mga tao. Ang mga ideya at pananaw na ito ng mga anticristo ay buktot, lihim na mapanira, lumalaban sa Diyos, at salungat sa Diyos. Kapag hindi sila tahasang kinondena ng Diyos, nagsisimula silang makipagkumpitensya sa Diyos sa mga puso nila; kapag hindi sila inilantad ng Diyos at hindi Niya kinondena ang pag-uugali nila, nagsisimula silang gumamit ng pagkukunwari upang ilihis ang iba at makuha ang loob ng mga tao para itatwa ang mga salita ng Diyos at itatwa ang katunayang tanging ang paghahangad sa katotohanan ang pwedeng magdulot ng pagbabago sa disposisyon at ng katugunan ng mga layunin ng Diyos. Hindi ba ito ang diwa ng interpretasyon nila? Hindi ba may buktot na disposisyon ang mga anticristo? Sa likod ng pagdurusa nila, nagkikimkim sila ng ganoong mga ambisyon at kahalayan, at iyon ang dahilan kung bakit kinasusuklaman ng Diyos ang ganoong mga tao at ganoong disposisyon. Gayumpaman, hindi kailanman nakikita o kinikilala ng mga anticristo ang katunayang ito. Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao, samantalang nakikita lang ng tao ang panlabas na anyo ng tao—ang pinakamalaking kalokohan tungkol sa mga anticristo ay na hindi nila kinikilala ang katunayang ito, ni nakikita ito. Kaya ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang gamitin ang magandang pag-uugali para ipakita ang kanilang sarili at gawing kaakit-akit para isipin ng iba na kaya nilang magdusa at magtiis ng paghihirap, magtiis ng pagdurusa na hindi kaya ng mga karaniwang tao, gumawa ng trabahong hindi kaya ng mga karaniwang tao, para isipin ng iba na matitibay sila, na kaya nilang supilin ang sarili nilang katawan, at hindi nila isinasaalang-alang ang sarili nilang mga makalamang interes o kasiyahan. Kung minsan ay sadya pa nga nilang isusuot ang mga damit nila hanggang sa medyo dumumi na ang mga ito at hindi lalabhan ang mga ito, hindi lalabhan ang mga ito kahit na magsimula nang mamaho; ginagawa nila ang anumang magdudulot sa ibang taong sumamba sa kanila. Habang mas madalas nilang kaharap ang iba, lalo nilang ginagawa ang lahat para magpapansin nang makita ng iba na naiiba sila sa mga karaniwang tao, na ang pagnanais nilang gugulin ang sarili nila para sa Diyos ay mas malaki kaysa sa mga karaniwang tao, na ang determinasyon nilang magdusa ay mas matindi kaysa sa mga karaniwang tao, at na ang tibay nila sa pagtitiis ng pagdurusa ay mas matindi kaysa sa mga karaniwang tao. Nagdudulot ang mga anticristo ng ganoong mga pag-uugali sa ganitong mga uri ng sitwasyon, at nasa likod ng mga pag-uugaling ito ang pagnanais sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo na sambahin sila at maging mataas ang tingin sa kanila ng mga tao. At kapag naisakatuparan na nila ang mithiin nila, kapag narinig na nila ang mga papuri ng mga tao, at kapag nakita na nilang kinaiinggitan na sila ng mga tao, hinahangaan, at may mapagpahalagang tingin sa kanila, saka sila nasisiyahan at nakokontento sa mga puso nila.

Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng panlabas na mabuting pag-uugali ng mga anticristo ng pagtitiis ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga at sa tunay na pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, pagiging tapat, at taos-pusong paggugol ng sarili para sa Diyos? (Magkaiba ang layunin. Ang mga taong tunay na gumugugol ng sarili nila para sa Diyos ay tumutuon sa paghahanap ng mga prinsipyo, sa mga resulta ng gawain, at sa pagiging epektibo sa gawain. Ang mga anticristo ay tila gumugugol ng sarili para sa Diyos sa panlabas, pero ito ay para lang mahikayat ang iba na tumaas ang tingin sa kanila. Hindi talaga nila isinasaalang-alang ang pagiging epektibo ng gawain o ang mga resulta ng gawain.) Tama iyan, may pagkakaiba sa layunin, motibasyon, at pinagmumulan ng pananalita at mga kilos nila—talagang magkaiba ito. Ang mga taong nagtitiis ng pagdurusa katulad nila at naghahangad ng katotohanan ay naghahanap ng mga prinsipyo sa panahon ng pagdurusang ito. Kahit paano, ipinapakita ng paghahanap sa mga prinsipyo na may mentalidad sila ng pagpapasakop; hindi nila sinusubukang gawin ang sarili nilang mga bagay o sinusubukang gumawa ng mga bagay para sa sarili nila, mayroon silang pagpapasakop at may-takot-sa-Diyos na puso sa mga kilos nila, at napakalinaw nilang nalalaman na ginagawa nila ang tungkulin nila at hindi sila nakikibahagi sa gawain ng tao. Bagaman tila nagtitiis din ng pagdurusa ang mga anticristo, basta na lang nilang ginagawa ito at nagpapanggap para makita ng mga tao; hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, wala silang pagpapasakop o may-takot-sa-Diyos na puso sa mga kilos nila, hindi namumuhay sa harapan ng Diyos ang mga puso nila, at sinusubukan nilang gamitin ang ganoong pag-uugali at mga pagpapamalas para makuha ang loob ng mga tao at magpalakas sa mga tao. May pagkakaiba rito, hindi ba? Batay sa diwa ng pag-uugali ng mga anticristo, masasabi ba nating isang pagkukunwari ang pagtitiis nila ng pagdurusa? (Oo.) Sapat na ito para patunayang ang pag-uugali at pagpapamalas nila ng pagtitiis ng pagdurusa ay basta na lang nilang ginagawa at nagpapanggap para makita ng mga tao—hindi sila kumikilos sa harapan ng Diyos. Isang aspekto ito. Ang isa pang aspekto ay na wala nang mas bihasa sa pagkukunwari at panlilinlang kaysa sa mga anticristo—kaya napakagaling nilang makibagay, at madalas silang gumamit ng mga partikular na tusong paraan upang ilihis at linlangin ang mga tao para maisakatuparan ang mga layunin nilang hikayatin ang mga tao na sambahin sila. Dito sila pinakamagaling, nasa kaibuturan nila ito, likas nilang taglay ang tuso at pabago-bagong diwang ito. Halimbawa, may ilang anticristong tila napakabait at napakamapagpakumbaba ng mga salita at pag-uugali, na hindi kailanman naglalantad ng kahinaan ng iba, na marunong makibagay, na hindi madaling manghusga o magkondena ng iba, na, kapag negatibo at mahina ang mga tao ay agad na tumutulong. Pinapalabas nila na mabuting-loob at mabait sila, mabuting tao. Kapag nasa kagipitan ang mga tao, minsan ay tumutulong sila gamit ang mga salita, at minsan gamit ang ilang kilos; may mga pagkakataon pa ngang nagbibigay sila ng kaunting pera o materyal na bagay para tulungan sila. Sa panlabas, tila mabuti ang mga kilos nila. Sa isipan ng karamihan, ganito ang uri ng taong gusto nilang makilala at makasalamuha; hindi magiging banta o manggugulo sa kanila ang ganitong mga tao, at makakakuha sila ng malaking tulong mula sa kanila—ng materyal o mental na tulong halimbawa, maging ng tulong sa mas matataas na espirituwal na teorya, at iba pa. Sa panlabas, walang ginagawang masama ang ganoong mga tao: Hindi nila ginagambala o ginugulo ang iglesia, at tila nagdadala sila ng pagkakasundo sa anumang grupong kinabibilangan nila; sa ilalim ng pamamalakad at pamamagitan nila, tila masaya ang lahat, nagkakasundo ang mga tao, at walang mga pag-aaway o mga alitan. Kapag naroon sila, nararamdaman ng lahat kung gaano sila kabuting nagkakasundo-sundo, kung gaano sila kalapit sa isa’t isa. Kapag wala sila, nagsisimulang magtsismisan ang ilang tao, nagtatakwilan sa isa’t isa, nagkakainggitan at nagtatalo sa bagay-bagay; tumitigil lang ang lahat sa pagtatalo kapag kasama nila ang mga anticristong ito at nananawagan ng kapayapaan. Tila napakagaling ng mga anticristong ito sa gawain nila, pero may isang bagay na nagpapakita kung ano talaga ang layunin nila: Ang lahat ng tinuturuan at pinamumunuan nila ay nakakabigkas ng mga salita at doktrina, kaya nilang lahat magmataas at magsermon sa iba, marunong silang lahat mambola ng mga tao at sumipsip sa mga ito, kaya nilang maging tuso at mapanlinlang, alam nila kung ano ang sasabihin sa iba’t ibang tao, nagiging mapagpalugod sila ng mga tao, at sa panlabas, tila payapang-payapa sila. Ano na ang nangyari sa iglesia dahil sa mga anticristong ito? Naging relihiyosong organisasyon na ito. At ang resulta? Namumuhay ang mga tao ayon sa satanikong pilosopiya nila, at ayaw na nilang hangarin ang katotohanan, at walang buhay pagpasok, at tuluyan nang nawala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa ganitong paraan nagdudulot ng pinsala ang mga anticristo sa mga kapatid at ipinapahamak sila—pero iniisip pa rin nilang nagkaroon sila ng malalaking kontribusyon, na nakagawa sila ng mga dakilang bagay para sa mga kapatid, at nakapagbigay sa kanila ng malalaking pagpapala. Madalas nilang turuan ang mga kapatid na maging mapagpakumbaba at mapagpasensya, na maging mapagparaya at mapagmalasakit kapag nakikita nilang may problema ang isang kapatid, na huwag maging magaspang magsalita o mapanakit sa iba, at tinuturuan nila ang iba kung ano ang postura kapag nakaupo o nakatayo o kung anong mga damit ang isusuot. Ang madalas nilang ituro sa mga kapatid ay hindi kung paano unawain ang katotohanan o pumasok sa katotohanang realidad, kundi kung paano sumunod sa mga patakaran at umasal nang maayos. Sa ilalim ng pagtuturo nila, ang mga pakikisalamuha ng mga tao ay hindi nakabatay sa mga salita ng Diyos, hindi sa mga katotohanang prinsipyo, kundi sa isang pakikipagkapwang pilosopiya ng pagiging mapagpalugod ng mga tao. Sa panlabas, walang nananakit sa isa’t isa, walang nagbabanggit ng mga kapintasan ng iba, pero walang nagsasabi sa sinuman kung ano talaga ang iniisip nila, at hindi sila naghahayag at nagbabahagi ng katiwalian, paghihimagsik, mga pagkukulang, at mga pagsalangsang nila. Sa halip, sa isang mababaw na antas, dumadaldal sila tungkol sa kung sino ang nagdusa at nagbayad ng halaga, kung sino ang naging tapat sa paggawa ng tungkulin niya, kung sino ang naging kapaki-pakinabang sa mga kapatid, kung sino ang nakagawa ng malalaking kontribusyon sa sambahayan ng Diyos, kung sino ang naaresto at nasentensyahan dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo—iyon lang ang pinag-uusapan nila. Hindi lang magandang pag-uugali ang ipinapakita ng mga anticristo—ang pagiging tila mapagpakumbaba, mapagpasensya, mapagparaya, at matulungin—para ipakita ang kanilang sarili at magkunwari; sinusubukan din nilang magpakita ng personal na halimbawa para hawahan ang iba ng magandang pag-uugaling ito, at hikayatin silang tularan ito. Ang layunin sa likod ng magandang pag-uugali nila ay walang iba kundi ang mapagtuonan sila ng pansin ng mga tao, ang mapataas ang tingin sa kanila ng mga tao. Kapag tinatalakay ng mga hinirang ng Diyos ang pagkakilala nila sa sarili at hinihimay ang sariling mga tiwaling disposisyon, sila naman ay nananahimik, at walang anumang pagtatangkang himayin ang sarili nilang katiwalian. Kapag isinisiwalat at pinupungusan ng mga kapatid ang mga pagbubunyag ng katiwalian ng isa’t isa, ang mga anticristo lang ang nagpapakita ng pagpapakumbaba, pagpapasensya, at pagpaparaya sa lahat; hindi nila isinisiwalat ang katiwaliang ibinubunyag ng sinuman, at binabati at pinupuri pa nga nila ang mga kapatid dahil sa magandang pag-uugali ng mga ito, at sa kanilang pagbabago; ginagampanan nila ang papel ng mga mapagpalugod ng mga tao, nagkukunwaring mapagmahal, mapagmalasakit, mapagparaya, at mapagpalubag-loob. Ito ang mga pagpapamalas ng labis na pagiging bihasa ng mga anticristo sa pagkukunwari at panlilinlang at panlilihis ng mga tao.

Kung titingnan, parang napakabait, edukado, at kagalang-galang ng mga salita ng mga anticristo. Kahit sino pa ang lumabag sa prinsipyo o gumambala at gumulo sa gawain ng iglesia, hindi inilalantad o pinupuna ng mga anticristo ang mga taong ito; nagbubulag-bulagan sila, pinapaniwala ang mga tao na mapagbigay sila sa lahat ng bagay. Anumang mga katiwaliang ipinapakita ng mga tao o kasamaang ginagawa nila, maunawain at matiisin ang anticristo. Hindi sila nagagalit, o nagwawala, hindi sila maiinis at maninisi ng mga tao kapag gumagawa ang mga ito ng mali at napipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sinuman ang gumagawa ng masama at nanggugulo sa gawain ng iglesia, hindi nila pinapansin, na para bang wala itong kinalaman sa kanila, at hinding-hindi nila pasasamain ang loob ng mga tao dahil dito. Ano ba ang ipinag-aalala nang husto ng mga anticristo? Kung ilang tao ang nagpapahalaga sa kanila, at kung ilang tao ang nakakakita sa kanila kapag nagdurusa sila, at pumupuri sa kanila dahil dito. Naniniwala ang mga anticristo na ang pagdurusa ay hinding-hindi dapat walang kapalit; anumang paghihirap ang kanilang tinitiis, anumang halaga ang kanilang binabayaran, anumang mabubuting gawa ang kanilang ginagawa, gaano man sila mapagmalasakit, mapagpaubaya, at mapagmahal sa iba, dapat isagawa ang lahat ng ito sa harap ng iba para mas maraming tao ang makakita nito. At ano ang layon nila sa pagkilos nang ganito? Upang makuha ang loob ng mga tao, upang mapasang-ayon ang mas maraming tao sa kanilang mga kilos, sa kanilang asal, at sa kanilang karakter sa puso nila, inaaprubahan sila. May mga anticristo pa nga na nagsisikap magtatag ng isang imahe ng kanilang sarili bilang “isang mabuting tao” sa pamamagitan ng panlabas na mabuting pag-uugaling ito, para mas maraming tao ang lumapit sa kanila para humingi ng tulong. Halimbawa, nagiging mahina ang isang tao at naniniwala siya na karamihan sa mga tao ay walang pagmamahal, na napakamakasarili nila, at ayaw nilang tumulong sa iba at hindi sila mabuting puso, at pagkatapos ay naiisip nila ang “mabuting tao” na iyon na sa katunayan ay isang anticristo. O, nakakaranas ng isang paghihirap ang isang tao sa kanyang gawain at hindi niya alam kung paano ito lulutasin. Wala siyang maisip na sinumang makakatulong, at ang unang taong naiisip niya ay ang “mabuting tao” na ito na sa katunayan ay isang anticristo. Ayaw nang gawin ng isang tao ang tungkulin niya, nais niyang hangarin ang sanlibutan, hangarin ang kapangyarihan at kayamanan, at mamuhay ayon sa gusto niya, at bagamat nagiging sobrang negatibo at mahina, hindi siya nagdarasal sa Diyos o nagbabahagi sa sinuman, at sa sitwasyong ito, naiisip nila ang “mabuting tao” na iyon na sa katunayan ay isang anticristo. Habang nagpapatuloy ang mga bagay sa ganitong paraan, hindi na nagdarasal sa Diyos ang mga taong ito o nagbabasa ng mga salita ng Diyos kapag sila ay nahaharap sa mga isyu, sa halip, nais nilang umasa sa “mabuting tao” na ito na sa katunayan ay isang anticristo para tulungan sila. Binubuksan lamang nila ang kanilang puso at sinasabi sa taong ito na mapagpalugod ng tao, kung ano ang nasa puso nila, hinihiling sa taong ito na lutasin ang mga suliranin nila; kinikilala at sinusunod nila ang anticristong ito. At hindi ba’t natamo na, kung gayon, ang pakay ng anticristo? Kapag natamo ng anticristo ang kanyang pakay, hindi ba’t nagiging mas mataas ang katayuan niya sa iglesia kaysa sa ng mga ordinaryong tao? At kapag maaari siyang maging numero uno at maging isang mahalagang tao sa iglesia, talaga bang nasisiyahan siya? Hindi, hindi siya nasisiyahan. Anong pakay ang nais niyang makamit? Nais niyang mas marami pang tao ang sumang-ayon sa kanya, humanga sa kanya, at sumamba sa kanya, na magkaroon siya ng puwang sa puso ng mga tao, at lalo na ang tingalain siya ng mga tao, umasa sa kanya, at sumunod sa kanya kapag nahaharap ang mga tao sa mga suliranin sa pananalig nila sa Diyos at walang mapupuntahan. Mas higit na malubha ito kaysa sa pagnanais ng anticristo na maging numero uno at maging mahalagang tao sa iglesia. Bakit napakalubha nito? (Nakikipagtuos sila sa Diyos para magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao. Gusto nilang direktang palitan ang Diyos.) (Mahirap kilatisin ang mga ganitong tao. Gumagamit sila ng panlabas na magandang pag-uugali para ilihis ang iba, na nagiging dahilan para hindi na hanapin ng iba ang katotohanan sa mga salita ng Diyos o magbahagi sa katotohanan kapag may problema sila, kundi sa halip ay sumandal at tumingala sa mga anticristong ito, ipinapalutas sa mga anticristo ang mga problema nila at itinuturing ang mga salita ng mga anticristo bilang ang katotohanan, na nagiging sanhi ng lalo pang paglayo nila mula sa Diyos. Isa itong mas tuso at mapaminsalang pamamaraan.) Tama, naunawaan at nasabi ninyong lahat ang mahalagang punto, na ang mga anticristo ay humahawak ng posisyon at nag-uugat sa puso ng mga tao at nais palitan ang Diyos. May isang nagsasabi, “Kapag hinahanap ko ang Diyos, hindi ko Siya mahanap; hindi ko Siya makita. Kapag hinahanap ko ang mga salita ng Diyos, sobrang kapal ng libro, napakaraming salita, at mahirap makahanap ng mga sagot. Pero kung lalapit ako sa taong ito, agad akong nakakakuha ng mga sagot; parehong magaan at kapaki-pakinabang ito.” Kita mo, dahil sa mga kilos ng anticristo, hindi lamang siya sinasamba ng mga tao sa puso nila, kundi binibigyan din ng puwang sa puso nila ang anticristo. Gusto nilang palitan ang Diyos—ito ang pakay ng anticristo sa paggawa ng mga bagay na ito. Maliwanag na sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito, nagtagumpay na ang anticristo sa simula pa lang; may puwang na ang anticristong ito sa puso ng mga taong hindi nakakakilatis, at may mga taong sumasamba at tumitingala na sa kanila. Ito ang pakay na nais makamit ng anticristo. Kung ang isang tao ay may problema at nananalangin sa Diyos, sa halip na maghanap sa anticristo, hindi siya nasisiyahan, at iniisip niya na, “Bakit palagi kang lumalapit sa diyos? Bakit palagi mong iniisip ang diyos? Bakit hindi mo ako nakikita o naiisip? Lubos akong mapagpakumbaba at mapagpasensiya, kaya kong talikuran ang mga bagay-bagay at igugol ang sarili ko nang labis, at nagbibigay ako sa kawanggawa, kaya bakit hindi ka sa akin lumalapit? Napakarami kong tulong sa iyo. Bakit wala ka man lang konsensiya?” Nalulungkot at nababalisa ang anticristong ito at nagagalit siya—nagagalit sa taong iyon at sa Diyos. Para makamit ang pinakapakay niya, ipinagpapatuloy niya ang pagpapanggap, patuloy siyang nagbibigay sa kawanggawa at nananatiling mapagpasensiya at mapagparaya, nagpapakita siya ng kababaang loob, nagsasalita siyang may kabutihan, hindi niya sinasaktan kailanman ang iba, at madalas siyang nagbibigay ng ginhawa kapag sinusubukan ng mga tao na kilalanin ang sarili nila. May isang taong nagsasabing: “Mapaghimagsik ako; isa akong diyablo at isang Satanas.” Sumasagot sila: “Hindi ka diyablo o isang Satanas. Maliit na problema lang ito. Huwag mong masyadong ibaba ang sarili mo at huwag maliitin ang sarili mo. Itinaas tayo ng diyos; hindi tayo mga ordinaryong tao, at hindi mo dapat maliitin ang sarili mo. Mas mabuti ka kaysa sa akin; mas tiwali ako kaysa sa iyo. Kung isa kang diyablo, ako ay isang buktot na diyablo. Kung isa kang buktot na diyablo, kung gayon, dapat akong bumaba sa impiyerno at magdusa sa perdisyon.” Ganito nila tulungan ang mga tao. Kung may isang taong umamin na nagdulot ng kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos o sa gawain ng iglesia, sinasabi ng anticristo sa taong ito: “Hindi naman malaking bagay na magdulot ng kawalan sa gawain ng iglesia habang ginagawa ang tungkulin mo at ang medyo pagkaligaw. Dati na akong nakapagdulot ng mas malalaking kawalan kaysa sa iyo at natahak ko ang mas higit pang mga baluktot na landas. Baguhin mo lang kung paano mo ginagawa ang mga bagay-bagay sa hinaharap, hindi ito problema. Kung pakiramdam mo ay hindi ito makayanan ng konsensiya mo, may pera ako at babayaran ko ang kawalan para sa iyo, kaya huwag ka nang mag-alala. Kung mayroon kang anumang problema sa hinaharap, lumapit ka lang sa akin at gagawin ko ang lahat para matulungan ka, at kung anuman ang kaya kong gawin, gagawin ko agad.” Ang anticristo ay may ganitong pakiramdam ng “personal na katapatan,” pero para saan ba talaga niya ito ginagawa? Talaga bang tinutulungan ka niya? Pinipinsala ka niya, dinadala ka sa kapamahakan—nahulog ka sa tukso ni Satanas. Naghuhukay siya ng butas para sa iyo, at tumalon ka naman agad; nahulog ka sa patibong at iniisip mo pa rin na maganda roon, at napinsala ka ng anticristong ito nang hindi mo man lang namamalayan—anong kahangalan ito! Ganito tratuhin, linlangin, at pinsalain ni Satanas at ng mga anticristo ang mga tao. Sabi ng anticristo: “Ayos lang kung isasaalang-alang mo nang kaunti ang mga interes ng sambahayan ng diyos at maging maingat ka na lang sa hinaharap. Maaaring itama ang bagay na ito, walang sinumang gagawa nito nang sinasadya. Sino sa atin ang maaaring maging perpektong tao? Walang sinuman sa atin ang perpekto; lahat tayo ay tiwali. Dati akong mas masahol kaysa sa iyo. Payuhan natin ang isa’t isa sa hinaharap. Bukod pa rito, kahit na nakaranas ng ilang kawalan ang sambahayan ng diyos, hindi ito tatandaan ng diyos. Lubos na mapagpatawad at mapagparaya ang diyos sa tao. Kung kaya nating magpakita ng pagtitiis sa isa’t isa, hindi ba’t mas lalong kaya ng diyos na magtiis? Kung sasabihin ng diyos na hindi niya tatandaan ang mga pagsalangsang natin, kung gayon, wala na tayong anumang pagsalangsang.” Gaano man kalaking pagkakamali ang magagawa ng isang tao, binabalewala lang ito ng anticristo gamit ang isang biro at pinapalampas, ipinapakita kung gaano kalaki ang puso niya, at kung gaano siya kabuting-loob, kadakila, at kamatiisin. Sa kabaligtaran, dahil dito, maling pinaniniwalaan ng mga tao na palaging inilalantad ng Diyos ang mga tao sa Kanyang mga pagbigkas, palaging gumagawa ng isyu tungkol sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at palaging naghahanap ng mali. Kung sumalangsang o naghimagsik ang isang tao, pinupungusan siya, hinahatulan, at kinakastigo ng Diyos, na para bang wala Siyang malasakit sa mga tao. Gayumpaman, kayang tiisin at patawarin ng anticristo ang mga tao sa lahat ng sitwasyon; napakadakila at kagalang-galang nila. Hindi ba’t totoo ito? May ilan ding anticristo na nagsasabing, “May ganitong kasabihan ang mga walang pananampalataya: ‘Sa isang malaking sambahayang may maraming ari-arian, walang halaga ang kaunting nasayang.’ Napakalaki ng sambahayan ng diyos, at nagbibigay ang diyos ng masaganang pagpapala. Hindi malaking bagay na mag-aksaya nang kaunti; napakarami ng ipinagkakaloob ng diyos sa atin. Hindi ba’t marami na tayong naaksaya? At ano ang ginawa ng diyos sa atin? Hindi ba’t tiniis lang ng diyos ang lahat ng iyon? Mahina at tiwali ang tao, at matagal na itong nakita ng diyos, kaya kung nakita na niya ito, bakit hindi niya tayo pinarurusahan? Pinatutunayan nito na ang diyos ay mapagpasensiya at maawain!” Anong klaseng pananalita ito? Gumagamit sila ng mga salitang parang tama at naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao para ilihis ang mga tao at itulak sila sa tukso, para guluhin ang pananaw nila at iligaw sila, at para magkamali sila sa pagkaunawa sa Diyos, nang sa gayon ay hindi sila magkaroon ng kahit katiting na pagnanais o kagustuhang magpasakop sa Kanya. Sa pang-uudyok, panlilinlang, at panlilihis ng mga anticristo, tuluyang nawawalan ang mga tao ng konsensiya, at lahat sila ay nagsisimulang sumunod at magpasakop sa mga anticristo.

Ang mga anticristo ay partikular na sanay magpanggap kapag kasama ng ibang tao. Katulad ng mga Pariseo, sa panlabas ay mukha silang napakamatiisin sa mga tao at mapagpasensiya, mapagpakumbaba at mabait—tila masyado silang maluwag at matiisin sa lahat ng tao. Kapag humaharap sa mga problema, lagi nilang ipinapakita kung gaano sila kamatiisin sa mga tao mula sa katayuan nila, at sa bawat aspekto, mukha silang may magandang kalooban at may malawak na pag-iisip, hindi naghahanap ng mali sa iba, at nagpapakita sa mga tao kung gaano sila karangal at kabait. Sa katunayan, may ganito ba talagang taglay na mga diwa ang mga anticristo? Kumikilos sila para sa ikakabuti ng iba, matiisin sila sa mga tao, at kaya nilang tumulong sa mga tao sa lahat ng sitwasyon, ngunit ano ang nakatago nilang motibo sa paggawa ng mga bagay na ito? Gagawin pa rin ba nila ang mga bagay ito kung hindi nila sinusubukang makuha ang loob at ang pabor ng mga tao? Ganito ba talaga ang mga anticristo kapag walang nakakakita? Ganito ba talaga sila kapag kasama ng ibang tao—mapagpakumbaba at mapagpasensiya, matiisin sa iba, at tumutulong sa iba nang may pagmamahal? Nagtataglay ba sila ng ganitong diwa at disposisyon? Ganito ba ang karakter nila? Talagang hindi. Pagpapanggap ang lahat ng ginagawa nila at ginagawa ang mga ito upang ilihis ang mga tao at makuha ang pabor ng mga tao, nang sa gayon ay mas marami pang tao ang magkaroon ng magandang impresyon sa mga anticristo sa puso nila, at nang sa gayon ay sila ang unang iisipin at hihingan ng tulong ng mga tao kapag may problema. Para makamit ang pakay na ito, sadyang nagpapakana ang mga anticristo para magpakitang-gilas sa harap ng iba, para magsabi at gumawa ng mga tamang bagay. Bago sila magsalita, walang nakakaalam kung ilang beses nilang sinasala o pinoproseso ang mga salita nila sa kanilang isipan. Sadya silang magpapakana at pipigain nila ang kanilang utak, pag-iisipan ang kanilang salita, ekspresyon, tono, boses, at maging ang tingin na ipinupukol nila sa mga tao at ang tono ng kanilang pagsasalita. Pag-iisipan nila kung sino ang kausap nila, kung matanda ba o bata ang taong iyon, kung mas mataas ba o mas mababa ang katayuan ng taong iyon kaysa sa kanila, kung iginagalang ba sila ng taong iyon, kung lihim bang may sama ng loob sa kanila ang taong iyon, kung ang personalidad ba ng taong iyon ay katugma ng sa kanila, kung ano ang tungkuling ginagawa ng taong iyon, at kung ano ang posisyon nito sa iglesia at sa puso ng mga kapatid nito. Maingat nilang oobserbahan at masigasig na pag-iisipan ang mga bagay na ito, at kapag napag-isipan na nila ang mga ito, nakakaisip sila ng mga paraan kung paano lapitan ang iba’t ibang uri ng tao. Anuman ang paraan ng pagtrato ng mga anticristo sa iba’t ibang uri ng tao, ang tanging pakay nila ay ang mahimok ang mga tao na igalang sila, na hindi na sila ituring bilang mga kapantay, bagkus ay tingalain sila, para mas maraming tao ang humanga at tumingala sa kanila kapag nagsasalita sila, tangkilikin at sundin sila kapag may ginagawa sila, at patawarin at ipagtanggol sila kapag nagkamali sila, at mahimok ang mas maraming tao na makipaglaban para sa kanila, magreklamo nang matindi para sa kanila, at manindigan para makipagtalo sa Diyos at kontrahin Siya kapag sila ay ibinunyag at itinakwil. Kapag nawawalan sila ng kapangyarihan, nagagawa nilang magkaroon ng napakaraming tao na tutulong, magpapahayag ng suporta, magtatanggol sa kanila, na nagpapakita na ang katayuan at kapangyarihan na sadyang binalak na palaguin ng mga anticristo sa iglesia ay malalim nang nag-ugat sa puso ng mga tao, at na hindi nasayang ang kanilang “puspusang pagsisikap.”

Nagsisikap ang mga anticristo na pamahalaan at harapin ang kanilang katayuan, katanyagan, reputasyon, at awtoridad sa mga tao sa abot ng makakaya nila—hindi sila magpapakatamad, hindi sila magiging malambot ang puso, at lalong hindi sila magiging pabaya. Inoobserbahan nila ang ekspresyon sa mga mata ng bawat isa, ang mga personalidad nila, ang mga pang-araw-araw na gawain, ang mga paghahangad, ang mga saloobin sa mga positibo at negatibong bagay ng mga taong ito, at higit pa rito ay inoobserbahan nila ang pananalig at katapatan ng bawat isa sa pananampalataya ng mga ito sa Diyos, pati na rin ang saloobin ng mga taong ito sa tungkol sa paggugol ng sarili para sa Diyos at sa pagtupad ng mga tungkulin, at iba pa—nagsisikap sila nang husto para sa mga bagay na ito. Kaya, batay sa saloobin nila, umiiwas sila at binabantayan nila ang kanilang sarili laban sa mga taong naghahangad ng katotohanan at mga kakayahang kumilatis sa kanila, at nagsasalita at kumikilos nang maingat kapag kasama ang mga ganitong tao. Kapag kasama nila ang mga taong may mahihinang personalidad, na madalas negatibo at hindi nakakaunawa sa katotohanan, at ilang tao na hangal at may mahinang pang-unawa sa katotohanan, madalas nilang ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya para ipakita ang sarili nila, palaging nagpapakitang-gilas na parang isang palabas sa sirkus at sinasamantla ang bawat pagkakataon para magpakitang-gilas. Halimbawa, kapag nasa mga pagtitipon, karamihan sa mga tao ay sumasang-ayon sa kanila, may iilang tao na naiinis sa kanila, at mas marami tao ang walang kakayahang makilatis sila, kaya nagsisimula silang magpakitang-gilas at maghanap ng mga oportunidad para magbahagi. Nagbabahagi sila tungkol sa sarili nilang mga karanasan, sa kanilang nakaraang “maluwalhating kasaysayan,” sa kagalingang nakamit nila sa sambahayan ng Diyos, at pati sa kung paano sila pinahalagahan at personal na pinungusan ng nasa Itaas—hindi nila kayang palampasin ang kahit isang pagkakataong gaya nito. Kahit sino man ang kasama nila o ano man ang okasyon, iisa lang talaga ang ginagawa ng mga anticristo: Sila ay nagpapakitang-gilas; ibig sabihin, nagpapasikat lang sila. Ito ang diwa ng mga anticristo: Sila ay tutol sa katotohanan, sa mga buktot, at walang kahihiyan. Hanggang saan sila nagpapakitang-gilas? Marahil ay nasaksihan na ninyo mismo ang ilan. Ang ilan sa kanila ay malinaw na nakikitang nagpapakitang-gilas, nagmamayabang, nagtatangkang kunin ang loob ng mga tao, at sinasamantala ang mga pagkakataong mahikayat ang iba na pahalagahan sila. Kinamumuhian sila ng ilang tao, hindi sila pinapansin ng ilan, at kinukutya pa nga sila, ngunit wala silang pakialam. Ano ba ang inaalala nila? Ang inaalala nila ay kung ang kanilang pagpapakitang-gilas ay mag-iiwan ng malalim na impresyon sa mga tao, kung maipapakita ba nito sa mga tao kung paano sila naglalakas-loob na magsabi ng mga bagay-bagay, na mayroon silang tapang, estilo ng pamumuno, talento sa pamumuno, tapang para hindi mataranta sa harap ng lahat, at higit sa lahat, ang kakayahang pangasiwaan ang mga bagay-bagay nang hindi natataranta. Nasisiyahan sila kapag naipapaunawa at naipapakita nila sa mga tao ang mga bagay na ito, at iyon ang dahilan kung bakit ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para magpakitang-gilas sa sandaling magkaroon sila ng pagkakataon, at ginagawa nila ito nang walang pagpipigil, walang anumang alinlangan, at walang anumang kahihiyan. Ito ang ginagawa ng mga anticristo. Kapag palagi Akong nagbabahagi tungkol sa pangunahing paksa sa mga pagtitipon, may ilang tao na inaantok habang nakikinig sa Akin. O kaya naman, kapag nagbabahagi Ako tungkol sa pangunahing paksa, may ibang mga bagay pa rin sa isipan ng mga tao at hindi madali para sa kanila na bigyang-pansin ang sinasabi Ko. Sa mga sitwasyong gaya nito, nakikipagkuwentuhan Ako nang kaunti, nagbabahagi ng isang kuwento o ng isang biro. Ang mga bagay at mga kuwentong ito ay karaniwang may kinalaman sa ilang tiwaling disposisyon at kalagayang ipinapakita ng mga tao sa buhay nila. Gumagamit Ako ng mga kuwento o biro para gisingin nang kaunti ang mga tao upang mas makaunawa sila. Kapag nakikita ito ng mga anticristo, iniisip nila, “Nagbibiro ka sa mga sermon mo sa mga pagtitipon. Kaya ko rin iyon, magaling din ako tulad mo. Gagawa lang ako ng walang kwentang biro at patatawanin ang lahat, at matutuwa silang lahat dito—ang galing, di ba! Kaswal lang akong magkukuwento, at pagkatapos ay wala nang magkakagustong dumalo sa mga pagtitipon, gugustuhin na lamang nilang marinig ang mga kuwento ko.” Nakikipagkompitensiya sila sa Akin tungkol dito. May saysay ba sa pakikipagkompitensiya nila sa Akin tungkol dito? Bakit Ako nagsasalaysay ng mga kuwento? Bakit ako nakikipagkuwentuhan? Maiintindihan ng mga tao ng ilang bagay mula sa Aking pakikipag-usap at mga kuwento, at nakakatulong ito sa kanila na maunawaan ang katotohanan sa magaang paraan—ito ang Aking pakay. Gayumpaman, sinasamantala ito ng mga anticristo at sinusubukang makinabang dito, sinasabing, “Sa mga pagtitipon, sa oras na napakahalaga at makabuluhan, nakikipagkuwentuhan ka lang, kaya gagawin ko rin iyon.” Pareho ba palagi ang pakikipagkuwentuhan? Ang mga anticristo, ang mga walang kwentang ito, ay hindi man lang nakakaunawa sa katotohanan, kaya ano ang mapapala sa pagkikipagkuwentuhan nila? Ano ang mapapala sa kanilang mga kuwento o biro? Masyadong mababaw at kaswal ang pagtrato ng mga hayop na ito na walang espirituwal na pag-unawa sa mga seryosong bagay tulad ng pagbabahagi ng katotohanan at pagkukuwento. Anong uri ng mga tao ang gumagawa nito? Mga anticristo, mga taong walang espirituwal na pag-unawa, at ang mga taong hindi naghahangad ng katotohanan ay mahilig gumawa ng mga ganitong bagay.

Ang mga mata ng mga kapatid, ang mga mata ng karamihan sa mga tao, ay halos hindi makapansin ng anumang pagkakamali sa mga kilos ng pagpapanggap ng mga anticristo. Bakit ganito? Ito ay dahil pinagtatakpan at itinatago ng mga anticristo ang mga pagkakamali nila at hindi ka hahayaang makita ang mga ito; itinatago nila ang kanilang buktot na parte, ang kanilang imoral na parte, at ang kanilang masamang parte sa likod ng mga nakasarang pinto. Nasaan nga ba itong “sa likod ng mga nakasarang pinto”? Ito ang mga lugar na hindi mo nakikita, ibig sabihin, sa kanilang tahanan, sa lipunan, sa kanilang trabaho, sa harap ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan; ito ang mga lugar na hindi mo nakikita o nakakatagpo. Ang mga salita at kilos nila na nakikita at nararanasan mo ay ganap na ang parte nila na nagpapanggap, ang parte nila na kanila nang pinaganda. Ang parte nila na hindi mo nakikita ay ang tunay na diwa nila, ang kanilang tunay na mukha. At ano ang kanilang tunay na mukha? Kapag kasama ang pamilya nilang walang pananampalataya, sinasabi nila ang iba’t ibang uri ng masasamang salita—mga reklamo, mga mapaghinanakit na salita, at mga salitang mapanlaban sa iba, mga salitang humuhusga at kumokondena sa mga kapatid, mga reklamo tungkol sa pagiging hindi matuwid ng sambahayan ng Diyos—sinasabi nila ang lahat ng ito, walang itinitirang kahit ano, at hindi nagpipigil kahit kaunti. Kapag kasama ang kanilang mga kamag-anak at kaibigan, pinag-uusapan nila ang sekular na mundo at tsismis tungkol sa ibang pamilya, sumasali sila sa lahat ng sekular na aktibidad ng mga walang pananampalataya, at aktibo pa ngang nakikilahok sa mga kasalan at libing. Nakikitsismis sila sa mga walang pananampalataya, hinuhusgahan at isinusumpa nila ang iba, nagpapakalat sila ng mga tsismis tungkol sa mga tao at naninira sa mga ito nang patalikod—sinasabi nila ang lahat ng bagay na ito. Kapag kasama ang mga walang pananampalataya, habang nakikitungo sa ibang tao, nanloloko sila ng mga tao, bumubuo ng mga grupo, nang-aatake ng mga tao, at sa lugar ng trabaho, kaya nilang idiin ang iba, isumbong ang iba, at yurakan ang iba para makakuha ng mas mataas na posisyon—kaya rin nilang gawin ang lahat ng ito. Kapag kasama ang kanilang mga pamilya o ang mga walang pananampalataya, hindi sila mapagpasensiya, matiisin, o mapagpakumbaba, kundi sa halip ay lubusan nilang ipinapakita ang tunay na kulay nila. Sa sambahayan ng Diyos, sila ay mga lobong nakadamit-tupa, at kapag kasama nila ang mga walang pananampalataya, mga taong hindi nananampalataya sa Diyos, ipinapakita nila ang lobong mukha nila para makita ng lahat; nakikipaglaban sila sa mga walang pananampalataya para sa mga interes nila, para sa isang salita, para sa isang kasabihan, at walang humpay na makikipagtalo sa mga walang pananampalataya para sa pinakamaliit na interes hanggang sa pamulahan sila ng kanilang mukha. Kung wala silang nakakamit na pakinabangan o kung napupungusan sila sa sambahayan ng Diyos, umuuwi sila at nagwawala, gumagawa sila ng gulo, at kumikilos sa paraang katatakutan sila ng pamilya nila. Sa harap ng mga walang pananampalataya, wala silang kagandahang-asal bilang Kristiyano, at hindi rin sila nagpapatotoo gaya ng nararapat gawin ng mga Kristiyano—sila ay ganap na isang lobo, hindi na maituturing na isang tao. Sa sambahayan ng Diyos at sa harap ng mga kapatid, nangangako sila, nanunumpa, nagpapahayag ng determinasyon nila, at nagpapakita ng kahandaang gumugol ng kanilang sarili para sa Diyos at tila may pananalig sa Diyos. Subalit kapag kasama nila ang mga walang pananampalataya, ang kanilang mga paghahangad at paniniwala ay katulad ng sa mga walang pananampalataya. Sumusunod pa nga ang iba sa mga sikat na tao gaya ng ginagawa ng mga walang pananampalataya at ginagaya nila ang pananamit ng mga sikat na tao bawat araw, nakabuyangyang ang itaas na parte ng katawan, may magulong buhok at makapal na makeup—hindi sila mukhang tao at hindi rin mukhang multo. Nagsusuot sila ng mga nauusong damit at nakikisabay sa uso bawat araw, pakiramdam nila ay napakasarap ng buhay, at sa kaibuturan ng kanilang puso, wala silang anumang nararamdamang pagkasuklam sa paraan ng pamumuhay ng mga walang pananampalataya. Gumagawa ng maraming bagay ang mga anticristo at nagsusumikap para makasiguro sa posisyon nila sa iglesia at magkaroon ng katanyagan at katayuan sa puso ng mga tao. Ang pagsisikap na ito ay ganap na ginagawa para matamo ang mga pakay nila at upang pahalagahan at sambahin sila ng iba. Ang mga pag-uugali, pamamaraan, at panlabas na pagpapakitang ito ay isang malinaw na paghahambing sa kung paano sila namumuhay sa likod ng mga nakasarang pinto, at ang kanilang mga kilos at pag-uugali sa likod ng mga tao ay tiyak na hindi mga bagay na dapat ginagawa ng isang Kristiyano. Sa ganitong malinaw na paghahambing, matutukoy natin na ang lahat ng kanilang ginagawa at ipinapakita sa harap ng mga kapatid ay pawang pagpapanggap, na hindi ito totoo at hindi isang likas na pagpapakita. Nagpapanggap lamang ang mga anticristo para matamo ang mga pakay nila, dahil kung hindi, hinding-hindi nila ikokompromiso ang sarili nila para gawin ang mga bagay na ito. Base sa ginagawa nila at ang mga pagpapakita ng mga disposisyon nila sa likod ng mga nakasarang pinto, gayundin sa mga sarili nilang paghahangad, hindi nila mahal ang katotohanan, hindi nila mahal ang mga positibong bagay, hindi nila mahal ang kagandahang-asal at katuwiran, lalong hindi mahal ang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga, o sumunod sa landas ng Kristiyano. Samakatuwid, ang mabubuting pag-uugaling ito na ipinapakita nila ay hindi nagmumula sa puso nila, hindi boluntaryo ang mga ito, hindi totoo, kundi taliwas sa sarili nilang kagustuhan, ginagawa para makita ng iba at makuha ang pabor at loob ng mga tao. May ilang nagsasabing, “Paano ba sila nakikinabang sa pagkuha ng loob ng mga tao?” Dito naiiba ang mga anticristo sa mga ordinaryong tao; ang pakinabang na ito ay napakahalaga para sa kanila. Kaya, ano ang pakinabang na ito? Ito ay, kapag nakatayo sila sa gitna ng mga tao, walang sinuman ang hindi nakakakilala sa kanila, walang sinuman ang hindi sumasang-ayon, walang sinuman ang hindi pumupuri sa kanila, at walang sinuman ang hindi sumasamba sa kanila. Hinahanap ng mga tao ang anticristo kapag may problema sila, sa halip na hanapin ang Diyos at magdasal sa Kanya. At kapag sinasamba ng lahat ang anticristo at umiikot ang kanilang mundo sa kanya, ano ang nararamdaman ng anticristo? Pakiramdam niya ay parang siyang isang diyos o isang ekstraordinaryong tao, at para bang nakalutang siya sa mga ulap, na sobrang saya, na naiiba sa kung paano namumuhay ang isang ordinaryong tao. Kapag siya ay kasama ng mga tao, pinupuri at hinahnganaan siya ng lahat, at itinatanghal siya na para bang mga bituing nagkukumpol-kumpol sa paligid ng buwan—napakagandang pakiramdam nito, at punong-puno ng kasiyahan, kaginhawahan, at kaligayahan sa puso niya! Ito mismo ang ninanais ng mga anticristo. Gayumpaman, kung walang sinuman sa isang grupo ng mga tao ang nagbibigay ng anumang pansin sa anticristo, kakaunti lang ang nakakaalam ng pangalan niya, kung walang sinuman ang nakakaalam sa mga kalakasan niya, kung itinuturing siya sa isipan ng karamihan bilang isang ordinaryong tao, isang taong walang anumang espesyal na katangian, walang anumang kalakasan, walang anumang katangi-tangi tungkol sa kanya, anumang bagay na maaaring pag-ukulan ng paghanga o paggalang ng ibang tao, o anumang bagay na maaaring mapag-usapan ng sinuman nang may paghanga, kung gayon, nagsasanhi ito ng hindi komportable at masamang pakiramdam sa puso ng anticristo; hindi niya nararamdaman na para siyang isang diyos o na parang lumulutang siya sa mga ulap. Para sa kanya, ang mamuhay nang ganito ay masyadong nakakabagot, masyadong hindi komportable, masyadong nakakasakal, masyadong hindi kasiya-siya, at hindi sulit. Iniisip niya na kung siya ay magiging isang ordinaryong tao lang sa buong buhay niya, gumagampan ng ilang tungkulin at nagiging isang kuwalipikadong nilikha, anong kasiyahang mayroon sa gayong buhay? Bakit sobrang kaunti ang kasiyahan sa pananampalataya sa Diyos? Para sa anticristo, masyadong mababa ang pamantayang ito, at kailangang itaas ito. Ngunit paano nga ba ito maitataas? Dapat niyang dagdagan ang kasikatan niya para tingalain at lubos siyang igalang ng mga tao, at makapamuhay siya nang marangya. Kaya naman, kapag nagdadasal siya, hindi siya nagdadasal nang mag-isa sa bahay, kundi kinakailangan niyang pumunta sa iglesia para magdasal, magdasal kapag nakikipagkatipon sa mga kapatid, magdasal nang malakas, magdasal nang maayos ang gramatika, lohikal, organisado, at maingat, nagdarasal para marinig ng lahat ng naroroon, para marinig ng lahat ng naroroon ang kahusayan niya sa pagsasalita at malinaw na pag-iisip, at malaman na mayroon siyang sariling paghahangad. Kapag nagbabasa siya ng mga salita ng Diyos, hindi rin niya ito binabasa nang mag-isa sa bahay. Una, naghahanda siya sa bahay, at pagkatapos ay binabasa niya para marinig ng iba, nang sa gayon ay marinig ng ibang tao na ang lahat ng salita ng Diyos na binabasa niya ay importante, napakahalagang lahat. Anuman ang ginagawa niya, palagi niyang ginagawa ang mga takdang-aralin niya sa likod ng mga nakasarang pinto, at saka lamang siya lumalapit sa iba kapag handa na siya, kapag ang tingin ng ibang tao sa kanya ay kagalang-galang at kapag sinasang-ayunan na siya. Mayroon pa ngang ilan na nagsasanay at naghahanda sa bahay sa harap ng salamin bago ito iharap sa iba. Kapag iniharap nila ito sa iba, hindi ito ang pinaka-orihinal na lagay nito, kundi dumaan na ito sa maraming proseso, naproseso na sa pamamagitan ng mga kaisipan, pananaw, tiwaling disposisyon, tusong pakana at lihim na pamamaraan ng anticristo. Upang makamit ang pakay nila ng pagkakaroon ng katayuan at kasikatan sa iglesia at sa mga tao, hindi uurong ang mga anticristo sa pagbabayad ng anumang halaga para gawin ang mga bagay na ito. Kaya, ano ang tawag sa lahat ng bagay na ito? Ang mga ito ba ay mga totoong pagpapakita? Ang mga ito ba ay mga kaugaliang dapat gawin ng isang taong naghahangad ng pagbabago sa disposisyon? (Hindi.) Lahat ng ito ay nagmumula sa pagpapanggap; masyadong nagpapanggap ang mga anticristo na ito ay nakakasuka na!

May ilang tao na hindi nagbabahagi sa mga pagtitipon kung wala muna silang naihandang draft. Kailangan muna nilang maghanda ng draft sa likod ng mga nakasarang pinto, baguhin nang paulit-ulit, ayusin, at pagandahin ito, at kapag handa na ito, saka lang sila magbabahagi sa harap ng mga kapatid. May isang nagsasabi sa kanila, “Magkakapatid tayong lahat dito. Magsalita ka lang nang matapat at makatotohanan sa mga pagtitipon. Sabihin mo lang ang kahit anong pumapasok sa isip mo. Iyon ang pinakamainam na paraan.” Sasagot siya ng, “Hindi, hindi ko kaya. Kung gagawin ko iyon, bababa ang tingin sa akin ng mga kapatid.” Kita mo, hindi namamalayang nakakapagsabi sila ng isang bagay na totoo. Sa bawat aspekto, gumagawa sila ng mga bagay para pangalagaan ang kanilang reputasyon at katayuan. May natatanging talento ang ilang tao, mga propesor, estudyante sa unibersidad, estudyanteng nagdodoktorado, o mga siyentipikong mananaliksik sa lipunan, ang gumagamit ng mga pagpapanggap at mga pinagandang pag-uugali para makipag-ugnayan sa mga tao upang mapatunayan ang sarili nila at mapangalagaan ang kanilang katayuan at reputasyon. Ibig sabihin, nagsusuot sila ng maskara kapag nakikisalamuha sa mga tao, at hindi alam ng mga tao kung ano ba talaga ang habol nila, kung sila ba ay may anumang kahinaan, ano ba mismo ang ginagawa nila sa likod ng mga nakasarang pinto, at palaging may bahid ng duda, palaging may kuwestiyon, pagdating sa pribadong buhay nila at kung paano sila umaasal. Hindi ba’t napakalalim ng pagpapanggap ng mga taong ito? Kung gayon, paano ninyo dapat harapin ang mga taong ito? Dapat ba na dahil sila ay plastik sa iyo, magiging plastik ka na rin sa kanila? Halimbawa, nagsasalita lamang sila ng magagalang na pakitang-tao kapag nakikipagkita sa iyo, kaya palagi ka na lang ding magalang sa kanila—katanggap-tanggap ba ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang angkop na paraan ng pakikisama sa kanila? (Kapag natuklasan mong nagpapakita sila ng mga ganitong pagpapamalas, dapat mo muna silang ilantad, ibahagi sa kanila ang tungkol sa kung ano ang tunay na kalikasang diwa ng ganitong uri ng disposisyon at kung ano ang intensiyon sa likod nito. Kung hindi nila tinatanggap ang sinasabi mo, hindi ka na dapat muling magbahagi pa sa kanila.) Dapat mo silang ilantad, at kung hindi nila tinatanggap ang sinasabi mo, layuan mo sila. Mayroon bang sinuman sa inyo na kaya pa rin nilang mailihis at sumasamba sa kanila? Sa tayog na mayroon kayo ngayon, kung tutuusin ay makikilatis ninyo nang kaunti ang mga halatang Pariseong ito, ngunit kung makakatagpo kayo ng isang mas may kakayahan, na kayang magpanggap, na malalim na naitatago ang sarili niya, makikilatis ba ninyo siya? Kung palaging tama ang kanilang sinasabi at ginagawa, kung tila wala silang mga pagkakamali at hindi kailanman nagkakamali, kung minsan ay nagiging negatibo at mahina ka sa ilang bagay pero sila ay hindi, at kung magkagayon man sila, kaya nila mismong lutasin ito at mabilis na umahon mula rito, pero hindi mo kaya, kung gayon, kapag nakatagpo mo ang mga ganitong tao, sasang-ayunan at sasambahin mo sila, at matututo ka mula sa kanila at susunod ka sa kanila; kung hindi mo makikilatis ang ganitong mga tao, hindi natin masasabi kung malilihis ka ba nila o hindi.

Ilang aspekto na ang napagbahaginan natin tungkol sa paksang ito ng pagpapanggap? Ang isang aspekto ay ang paggamit nila ng pagtitiis ng paghihirap bilang pagpapanggap. Sa kanilang puso, ayaw talaga nilang magtiis ng paghihirap at labis nilang tinututulan ito, gayumpaman ay lubha silang nag-aatubili na magtiis ng paghihirap, bitiwan ang mga bagay-bagay, at magbayad ng halaga para makamit ang kanilang mga layon. Pagkatapos nilang magdusa, hindi pa rin nila ito matanggap nang buong-buo at pakiramdam nila ay hindi sulit ang paghihirap na ito dahil maraming tao ang hindi nakakaalam tungkol dito. Kaya, isinasapubliko nila ito kahit saan, sinasabihan ang maraming tao na walang alam tungkol dito. Sa huli, nalalaman ng ilang tao kung ano ang nangyari at nagkakaroon ng malalim na impresyon tungkol sa kanila, pinapahalagahan at sinasamba sila, sa gayon ay natatamo nila ang mga pakay nila. Mayroon ding ilan na nag-aanunsiyo ng kanilang sarili bilang mabuting tao, na magalang at masunurin, nais makisalamuha sa mga tao gamit ang ganitong imahe, pagkakakilanlan, at personalidad para paniwalaan ng mga tao na sila ay mabubuting tao at makipaglapit ang mga ito sa kanila. Itinuturing nilang layon nila ang pagiging mabuting tao gaya nito upang makatanggap ng paghanga mula sa higit pang maraming tao, nang sa gayon ay pahalagahan sila ng mga tao at madagdagan ang kasikatan nila. Hindi ba’t ganoon? (Oo, ganoon na nga.) Gamit ang ilang pamamaraan ng mga anticristo, nailantad at nahimay-himay natin ngayon ang mga nakatagong pakay sa likod ng kanilang mapagpanggap na pag-uugali at ang diwa ng kanilang pagpapanggap, kung anong mga bagay na ginagawa at sinasabi nila, at kung anong mga pagpapamalas ang ipinapakita nila na nagpapatunay na nagpapanggap sila. Tatapusin na natin dito ang pagbabahaginan tungkol sa aspektong ito.

b. Nang may Pagpapanggap

Ngayon, magbabahaginan tayo sa ikalawang aspekto. Madalas gumagamit ng pagpapaimbabaw ang mga anticristo para magtamo ng katayuan; nagsasabi sila ng mga bagay na gustong marinig ng mga tao at na naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, at gumagawa sila ng mga bagay sa panlabas na nagiging dahilan para sang-ayunan at hangaan sila ng mga tao, kaya mas lalo silang nagiging sikat—ito ay isa pang paraan ng panlilihis ng mga anticristo sa mga tao. Mayroon bang kaibahan sa pagitan ng pagpapanggap at pagkukunwari? Sa panlabas na pag-uugali, ang pagkukunwari at pagpapanggap ay kadalasang iisang kalagayan; magkakaugnay ang mga ito. Pagbabahaginan natin ang mga ito nang hiwalay para maging mas malinaw para sa mga tao, at nang mas lubos itong maintindihan ng mga tao. Ang pangunahing kahulugan ng “pagpapanggap” ay hindi pekeng pagkilos, kundi ang panggagaya. Bakit nagpapanggap ang mga anticristo? Likas na mayroon silang mga partikular na pakay: Nagpapanggap ang mga anticristo para magtamo ng katayuan at katanyagan; kung hindi, hindi sila kailanman magpapanggap, hindi sila gagawa ng gayong kahangalan. Malinaw itong nakikita ng mga mapagkilatis na mata. Kung madalas na nagpapanggap ang mga tao, natural na makakatanggap sila ng pagkasuklam, pagkamuhi, at pagtuligsa ng iba—kaya, bakit ginagawa pa rin ito ng mga anticristo? Sadyang ito ang kalikasan nila: Hindi nila iniintindi kung ano ang kailangan para magkamit ng reputasyon at katayuan, wala na silang pakiramdam ng kahihiyan. Para magkamit ng katayuan sa isipan ng mga tao, ang unang ginagawa ng mga anticristo ay ang himukin ang mga tao na magtiwala sa kanila, tingalain sila, at sambahin sila. Kaya, paano nila natatamo ang layong ito? Bukod sa pagpepeke ng mabuting pag-uugali at mga pagpapamalas na tumutugma sa mga kuru-kuro ng mga tao, ginagaya rin nila ang mga tanyag na tao, kinokopya ang paraan ng pagsasalita ng mga ito, para pahalagahan at tingalain sila ng mga tao. Sa ganitong paraan, hindi namamalayang sinisimulan na silang sambahin, bolahin, at suportahan ng ilang tao sa iglesia, tinitingnan nila ang mga anticristo na parang mga espirituwal na nilalang o mga tanyag na tao, na nangangahulugang ang mga anticristo ay hinahangaan at iginagalang bilang mga espirituwal na nilalang sa iglesia at sa puso ng ilang tao. Ito ay dahil karamihan sa mga tao ay lubusang walang pagkilatis, at sinasamba at iginagalang nila ang sinumang gusto at hinahangaan ng puso nila. Sa iglesia, anong klaseng tao ang pangunahing ginagaya ng mga anticristo? Ginagaya nila ang mga espirituwal na nilalang, dahil karamihan sa mga tao ay sumasamba sa mga espirituwal na nilalang. Sa Hudaismo, ang mga Pariseo ay mga espirituwal na nilalang na sinasamba ng mga tao, sinasamba sila ng mga tao dahil sa kaalaman nila, huwad na kabanalan, at pakitang-taong mabuting asal; at kaya, sa Hudaismo, napakasikat ng mga Pariseo, sila ay lubos na hinahangaan. Ngayon, may ilan sa iglesia na mahilig ding sumamba sa mga espirituwal na nilalang. Una, sinasamba nila ang mga nasa iglesia na matagal nang nananampalataya sa Diyos, mga taong may diumano’y mga espirituwal na karanasan at patotoo, na nakatanggap ng mga biyaya at pagpapala ng Diyos, na nakakita ng mga dakilang pangitain, at nagkaroon ng mga ekstraordinaryong karanasan. Dagdag pa rito, may mga tao ring mayayabang at matatamis magsalita kapag kasama ng ibang tao, na nag-uudyok sa iba na sila ay sambahin at hangaan. May iba na may mga pamamaraan, gawi, at prinsipyo sa pagkilos nila na naaayon sa mga panuntunan ng iglesia, na parang maka-diyos ang panlabas na pag-uugali. Mayroon ding mga tao na parang may malaking pananalig sa Diyos. Ang mga taong ito ay pawang tinatawag na mga espirituwal na tao. Kung gayon, paano ginagaya ng mga anticristo ang mga espirituwal na tao? Simple lang ang ginagawa nila, sinasabi nila ang mga sinasabi ng mga espirituwal na tao, at ginagawa ang mga ginagawa ng mga espirituwal na tao, para ituring sila ng mga tao bilang isang espirituwal na tao. Pero ginagawa ba nila ito nang taos-puso? Hindi: Ito ay panggagaya lamang, pagsunod sa isang regulasyon, ginagawa lang nila ito para makita ng iba. Halimbawa, kapag may nangyayari sa kanila, agad silang nagdarasal—pero hindi naman talaga sila tunay na naghahanap o nagdarasal, pabasta-basta lang nila itong ginagawa para magpakitang-tao, para sabihin ng mga tao na mahal na mahal nila ang Diyos at may matinding takot sila sa Diyos. Bukod pa rito, kapag nagkasakit sila at nangangailangan ng gamutan, hindi sila nagpapagamot o umiinom ng nararapat na gamot. Sinasabi ng mga tao, “Kung hindi ka iinom ng gamot, pwedeng lumala ang sakit mo. May oras para sa gamot, at may oras para sa panalangin. Kailangan mo lang sumunod sa pananalig mo at huwag pabayaan ang tungkulin mo.” Sumasagot sila, “Ayos lang—kasama ko ang diyos, hindi ako natatakot.” Sa panlabas, nagkukunwari silang kalmado, walang takot, at puno ng pananalig, pero sa loob-loob nila, takot na takot sila, at palihim na pumupunta sa doktor sa sandaling sumasama ang pakiramdam nila. At kapag may nakaalam na nagpunta sila sa doktor at uminom ng gamot, naghahanap sila ng mga dahilan o palusot para itago ito. Madalas din nilang sinasabi, “Ang sakit ay isang pagsubok mula sa diyos. Kapag namumuhay ka sa sakit, magkakasakit ka; kapag namumuhay ka sa mga salita ng diyos, wala kang sakit. Hindi tayo dapat mamuhay sa sakit—kung mamumuhay tayo sa mga salita ng diyos, mawawala ang sakit na ito.” Kung titingnan, ito ang madalas nilang itinuturo sa mga tao, ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para tulungan ang ang mga tao; pero palihim nilang nilulutas ang sakit nila gamit ang mga pamamaraan ng tao. Sa harap ng ibang tao, sinasabi nila na sumasandal sila sa Diyos at na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, sinasabi nila na hindi sila natatakot sa karamdaman o kamatayan; pero sa puso nila, mas takot pa sila kaysa sa sinuman, takot silang magkasakit at pumunta sa ospital, at mas lalong takot na takot sila sa kamatayan. Wala silang tunay na pananalig. Sa harap ng ibang tao, nagdarasal sila at nagsasabing: “Malugod akong nagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng diyos. Ang lahat ng bagay ay nagmumula sa diyos, at hindi dapat magreklamo ang mga tao.” Sa puso nila, iniisip nila: “Lubos na tapat kong nagampanan ang tungkulin ko, bakit dumapo sa akin ang sakit na ito? At bakit walang ibang nagkasakit nang ganito? Ginagamit ba ito ng diyos para ibunyag ako, para pigilan akong gawin ang tungkuling ito? Kinasusuklaman ba ako ng diyos? At kung kinasusuklaman niya ako, isa ba akong tagapagserbisyo? Ginagamit ba ako ng diyos para magserbisyo? May kahahantungan ba ako sa hinaharap?” Hindi sila nangangahas na magreklamo nang malakas, pero sa puso nila, lumitaw ang mga pagdududa tungkol sa Diyos, iniisip nila na hindi lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama. Sa panlabas, gayumpaman, nagpapanggap sila na walang mali, ipinapalabas nila na kahit magkasakit sila, hindi ito makakapigil sa kanila, at kaya pa rin nilang gawin ang tungkulin nila, at maging mapagpasakop at tapat, na kaya pa rin nilang gumugol para sa Diyos. Hindi ba’t ito ay pagkukunwari at pagpapaggap? Ang kanilang pananalig at pagpapasakop ay peke; peke rin ang katapatan nila. Walang tunay na pagpapasakop dito, walang tunay na pananalig, at lalong wala ring tunay na pagsandig at pagsuko sa Diyos. Hindi nila hinahanap ang mga layunin ng Diyos, hindi nila sinusuri ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon, hindi rin nila hinahanap ang katotohanan para malutas ang mga problema nila. Ang iniisip lang nila sa kanilang puso ay ang kanilang mga interes ng laman, kalalabasan, at hantungan; ang puso nila ay puno ng mga reklamo, mga maling pagkaunawa, at mga paghihinala tungkol sa Diyos—at gayumpaman, sa panlabas, nagpapakita sila na parang isang espirituwal na nilalang, at anuman ang mangyari sa kanila, sinasabi nila na, “May mabuting kalooban ang diyos, hindi ako dapat magreklamo.” Hindi nagrereklamo ang kanilang bibig, pero lubhang naguguluhan ang puso nila: Ang kanilang mga reklamo, maling pagkaunawa, at mga pagdududa tungkol sa Diyos ay patuloy na bumabalot sa puso nila. Batay sa lahat ng nakikita, madalas nilang binabasa ang mga salita ng Diyos at hindi nagpapaliban sa paggawa ng tungkulin nila, pero sa puso nila, sumuko na sila sa kanilang tungkulin. Hindi ba’t ito ang kahulugan ng pagpapanggap? Ito ay pagpapanggap.

Palaging magpapanggap ang mga anticristo, anuman ang sitwasyon; wala silang pinipiling okasyon. Halimbawa, kapag dumadalo sa mga pagtitipon, nagbabatian ang ilang magkakapatid. Paano ito hinaharap ng mga anticristo? Sinasabi nila, “Tama na ang kuwentuhan, nasa pagtitipon tayo! Saan ba sa tingin ninyo dapat makipagkuwentuhan ng mga ganitong bagay? Wala kayong may-takot-sa-diyos na puso. Magseryoso kayo!” May ilang tao na nagpapahinga habang nasa kanilang tungkulin, at kapag nakikita ito ng isang anticristo, sinasabi niya, “Nagiging pabaya na naman, ha? Dapat mong basahin kaagad ang mga salita ng diyos at humarap sa kanya para manalangin.” Kapag nagpapalitan ng mga pananaw ang mga kapatid para matuto ng mga propesyonal na kasanayan mula sa isa’t isa, sinasabi nila, “Dapat muna kayong magbahagi tungkol sa mga salita ng diyos at magdasal, at pagkatapos ay magpalitan ng mga pananaw at ideya.” Kung may isang tao na hindi pa nagdadasal bago magsimula ang pagtitipon, sasawayin siya ng anticristo, tutukuyin siya bilang isang partikular na uri ng tao, at may masasabi tungkol sa kanya. Sa bawat aspekto, ipinapakita nila sa iba na sila ay napaka-espirituwal, napakataimtim, na napakatapat nila sa katotohanan at nagsusumikap na hangarin ito, na napakaresponsable nila sa kanilang tungkulin, na kaya nilang regular na basahin ang mga salita ng Diyos araw-araw, na mayroon silang normal na espirituwal na buhay, na regular silang dumadalo sa mga pagtitipon, na kapag dumadalo sila sa mga pagtitipon ay nagdarasal sila, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at nagbabahaginan ayon sa itinakdang paraan, at na hindi sila nakikpagkuwentuhan o nag-uusap tungkol sa mga isyu sa bahay. Kapag may nagsasabi sa kanila ng, “Humahaba na ang buhok mo. Dapat magpagupit ka na. Mainit ang panahon ngayon, kaya magiging mas maaliwalas ang pakiramdam mo kung magpapagupit ka,” sumasagot sila, “Hindi mahalaga kung medyo humahaba na ang buhok ko. Mahalaga ang trabaho. Hindi magiging problema sa akin ang init kahit hayaan kong tumubo pa ng ilang araw ang buhok ko.” May isang nagsasabi na, “Nagkakahimulmol na ang mga damit mo. Kung lagi mo pang isusuot ang mga ito, pagtatawanan ka lang ng mga tao.” Sasabihin ng anticristo, “Hindi mahalaga iyon. Nag-aalala ba tayong mga mananampalataya sa diyos na pagtawanan tayo ng iba? Lahat tayo ay nagdusa na nang husto, at tiniis natin ang pang-uusig ng malaking pulang dragon sa lahat ng panahong ito. Tinahak natin ang landas ng pagtatakwil ng mga makamundong tao. Kaya, ano ngayon kung pagtatawanan ako ng mga tao dahil sa mga nagkakahimulmol kong damit? Hangga’t tanggap ako ng diyos, iyon lang ang mahalaga.” Mabuting bagay ba na sabihin ito? (Nagpapanggap sila na espirituwal.) May ilang tao na nakakakita na nagtatanong Ako at naghihikayat sa lahat na magbahagi sa kanila pagkatapos ng isang sermon, pero hindi sila masagot ng mga tao sa pagbabahaginan, kaya nagbibigay sila ng ganitong buod: “Nakahanap ako ng bagong liwanag dito. Hindi kailanman kumakain ang diyos nang walang kabuluhan, pero tayo, kahit ang pagkain natin ng repolyo ay nasasayang lang.” Narinig mo na ba na sinabi ito? (Hindi.) Sinasabi nila na hindi kailanman kumakain ang Diyos nang walang kabuluhan, ibig sabihin, nangangaral ng sermon ang Diyos sa mga tao at kaya nararapat lang na kumain Siya. Hindi tayo nakakapagbahagi ng anuman, kaya pati pagkain natin ng repolyo ay nasasayang lang. Itinuturing ito ng ilang tao na walang pagkilatis bilang ang katotohanan at ipinagsasabi nila ito kahit saan. Hindi sila naniniwala na maituturing na espirituwal, matayog, o bilang bagong liwanag ang pagbabahaginan tungkol sa pagkilala sa sarili, paghahangad na magpasakop at magmahal sa Diyos, at ang iba pang karaniwang paksa na madalas talakayin ng mga tao. Para sa kanila, ang sinabi lang ng taong iyon ang bagong liwanag at ang matayog! Parang tamang pakinggan ang sinabi ng taong iyon, pero kapag pinag-isipang mabuti, kasuklam-suklam ito at isang walang katuturang bagay na sasabihin. Ito ay isang bagay na inimbento ng mga walang espirituwal na pagkaunawa, pero gusto pa ring magpanggap na espirituwal, magpanggap na may kaalaman sa katotohanan, at magpanggap na nauunawaan nila ang katotohanan—hindi ba’t wala itong katuturan. (Oo.) Eksperto sila sa pag-aaral ng pagsasabi ng mga mapagmataas at walang lamang mga salita at doktrina, at hindi sila nagbibigay ng kahalagahan sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpasok sa realidad. Kaya magaling sila sa pagsasalita ng espirituwal na doktrina at hindi nila hinihimay-himay ang sarili nila kung mayroon ba silang katotohanang realidad o wala—hindi ba’t mga mapagpaimbabaw ang mga taong ito? Mga ganitong tao ang pinakakinasusuklaman ng Diyos.

Kapag nagtitipon-tipon ang kung tawagin ay mga espirituwal na taong ito, namimilosopo sila, tinatalakay ang mga misteryo, at pinag-uusapan ang tungkol sa pagkilala sa sarili at sa Diyos. Ang mga bagay na pinag-uusapan nila ay napakatayog na tila hindi usapin sa mundo. Nag-uusap sila nang nag-uusap, lumilihis at nag-uusap ng mga bagay na malayo sa paksa. Ano ang ibig sabihin ng “nag-uusap ng mga bagay na malayo sa paksa”? Nag-uusap sila nang nag-uusap hanggang sa puro kalokohan na ang sinasabi nila, nagkokompetensiya sila sa kung sino ang mas maraming nabasang salita ng Diyos at gaano karaming kabanata ng mga salita ng Diyos ang natatandaan nila at kayang ipangaral, at kung sino ang nakakapangaral nang mas matayog at mas malalim kaysa sa iba, at kung sino ang nakakapangaral sa paraang nakakapagbigay ng higit na liwanag kaysa sa iba. Nagkokompetensiya sila sa mga bagay na ito, at ito ang tinatawag na “pakikipagkompetensiya sa espirituwalidad.” Minsan, nagkukwentuhan ang mga tao, nag-uusap tungkol sa kung kumusta na sila kamakailan o tungkol sa ilang panlabas na bagay. Tapos, may darating na isang “espirituwal na tao” at, kapag naririnig nilang nag-uusap ang lahat tungkol sa mga bagay na ito, kinukuha nila ang kanilang aklat ng mga salita ng Diyos at pumupunta sila sa isang sulok para basahin ito. Hindi ba’t mukhang hindi palakaibigan at kakaiba ang ganitong tao? Kapag nakikipagbahaginan Ako sa ilang tao tungkol sa isang pangunahing paksa, nagpapahinga kami sa kalagitnaan ng pagbabahagi at nag-uusap tungkol sa mga panlabas na bagay—hindi ba’t normal lang iyon? Habang nag-uusap, may mga tao na hindi umiimik. Ang ibig nilang sabihin dito ay, “Makikinig ako kapag nagbabahagi ka tungkol sa katotohanan, pero kung magsisimula kang makipagkuwentuhan, hindi na muna ako makikinig. Kung patuloy kang makikipagkuwentuhan nang mahabang oras, aalis na ako.” Saan sila pumupunta? Pumupunta sila sa isang lugar para magdasal, at buong kumpiyansa nilang sinasabi, “O diyos, pakiusap, bawiin mo po ang puso ko. Hayaan mo po akong maging tahimik sa harap mo, huwag mo po akong hayaang madala at matangay ng mga bagay ng mga walang pananampalataya, at huwag mo po akong hayaang matangay ng mga makamundong kalakaran.” Espirituwal ba talaga iyon? Naniniwala sila na ganoon. Kapag nag-uusap kayo tungkol sa mga bagay sa bahay at kung kumusta ang kalagayan ninyo kamakailan, sa tingin nila, hindi ito pagbabahaginan tungkol sa katotohanan, na hindi man lang binanggit ang mga salita ng Diyos, at kaya, umaalis sila at lalapit sa Diyos para magdasal. Hindi ba’t medyo kakaiba iyon? Ito ang pagpapanggap ng mga taong naghahangad na maging espirituwal—napakahusay nilang magpanggap! Ang pakay nila sa pagpapanggap ay ang ipakita sa iba na sila ay espirituwal, na seryoso sila sa paghahangad nila, na palagi silang namumuhay sa presensiya ng Diyos, na may liwanag sa mga salita nila, na hinahangad nila ang katotohanan, na hindi sila naaapektuhan ng makamundong mga bagay o ng mga pagmamahal ng pamilya, na wala silang ganitong mga pangangailangan ng laman, na iba sila sa mga normal na tao, na iwinaksi na nila ang makamundong bagay at ang mga ganitong bulgar na interes. Kapag may ilang tao na nakikipag-usap nang kaunti sa mga hindi mananampalataya, sinasabi nila, “Hindi iyan tama. Masasama ang mga taong ito na walang pananampalataya. Sa sandaling kausapin mo sila at masangkot ka sa kanilang mga gawain, makakaramdam ka ng pagkabalisa sa loob mo at kailangan mong magmadaling lumapit sa diyos para magtapat at magdasal. Kailangan mong magmadaling basahin ang mga salita ng diyos, hayaan mong sakupin at punuin ka ng kanyang mga salita.” Kaya, kapag nakakakita sila ng mga walang pananampalataya, mga taong hindi nananampalataya sa Diyos, iniiwasan nila ang mga taong ito at hindi nila kinakausap. Ni hindi sila nakikisalamuha nang normal, at iniisip ng mga tao na kakaiba ang mga nagpapanggap na espirituwal. Ang batayan nila sa pagkilos nang ganito ay, “Ang mga walang pananampalataya ay mga diyablo lahat at hindi natin sila dapat kausapin. Kinamumuhian ng diyos ang mga diyablo, kaya kung makikisama tayo sa mga diyablo at makikipaglapit sa kanila, kamumuhian din ito ng diyos. Dapat nating kamuhian ang kinamumuhian ng diyos, at dapat nating itakwil ang itinatakwil ng diyos.” Kung nakikita nila ang isang kapatid na nakikipag-usap, nagkakaroon ng masinsinang pag-uusap, o nakikipagkuwentuhan tungkol sa mga bagay na pambahay kasama ang isang miyembro ng pamilya o kaibigan na walang pananampalataya, hinuhusgahan nila ang kapatid na ito, iniisip nila, “Siya ay mananampalatayang may karanasan at matagal na siyang nananampalataya sa diyos. Hindi niya sinusubukang iwasan ang mga walang pananampalataya, bagkus ay lalo pa siyang nakikipaglapit sa mga walang pananampalataya. Pagkakanulo ito sa diyos, at kapag nakakaranas siya ng problema, tiyak na magiging Hudas siya.” Binabansagan nila ang mga ganitong tao. May ibang tao na may mga magulang na hindi nananampalataya sa Diyos, pero hindi rin naman sila tumututol sa pananampalataya sa Diyos ng anak nila. Paminsan-minsan, tinatawagan nila ang kanilang mga magulang para kumustahin, o kapag may sakit ang mga ito, umuuwi sila para alagaan ang mga magulang—ito ay ganap na normal at hindi ito kinokondena ng Diyos. At ano ang ginagawa ng mga espirituwal na taong ito—ang mga anticristong ito? Ganito ba ang tingin nila sa mga bagay-bagay? Ginagawa nila itong malaking isyu, sinasabi na, “Karaniwang napakagaling mong magsalita at nagagawa mong pabitawan sa iba ang mga damdamin nila at hindi mo hinahayaang mapigilan ka ng mga ito. Pero nakikita ko na mas malakas ang damdamin mo. Hindi nananampalataya sa diyos ang mga magulang mo, kaya dapat mo na silang itakwil.” May isang tao na sumasagot, “Hindi nananampalataya sa Diyos ang mga magulang ko pero hindi rin naman nila ako hinahadlangan. Suportadong-suportado nila ako.” Sagot ng anticristo, “Kahit na sinusuportahan ka nila, hindi ito katanggap-tanggap at mga diyablo pa rin sila. Paanong nagagawa mo pa rin silang ipagluto?” Sabi naman ng isa pa, “Hindi ba’t normal na damdamin ito ng tao? Hindi ba’t normal lang na magluto ng ilang pagkain para sa mga magulang at magpakita ng pagmamahal ng isang anak sa kanila? Hindi ito kinokondena ng Diyos, kaya bakit mo ito kinokondena?” Sumagot ang anticristo, “Hindi poproblemahin ng diyos ang ganito kaliit na bagay! Dahil hindi ito poproblemahin ng diyos, dapat tayong manindigan sa ating patotoo. Ang tagal mo nang nananampalataya sa diyos pero wala ka pa ring pagkilatis o tayog, at nagagawa mo pa ring tratuhin nang maayos ang mga diyablo—masyadong malakas ang damdamin mo!” Pati ito ay kinokondena nila! Kinokondena nila ang mga tao at binabasangan ang mga ito sa kahit anong ginagawa, para lang ipakita na may tayog sila, na seryoso sila sa kanilang paghahangad, na mayroon silang pananalig, pero sa huli, kapag may namatay na miyembro ng sarili nilang pamilya, umiiyak sila sa loob ng maraming araw at hindi sila makabangon sa kama at gusto pa ngang talikuran ang pananalig nila. May nagsasabi sa kanila, “Hindi ba’t isa kang espirituwal na tao?” Sagot naman nila, “Hindi ba puwedeng maging mahina rin ang mga espirituwal na tao? Hindi ba ako puwedeng maging mahina sandali?” Hindi ba ito katusuhan? Ang mga huwad na espirituwal na tao ay kayang magkunwari, at ito ang tinatawag na pagpapanggap. Nagkukunwari sila na wala silang kahinaan, na mapagpasakop sila, na mayroon silang pananalig sa Diyos at tapat sa Diyos, na kaya nilang panindigan ang mga pangako nila, kayang tiisin ang paghihirap at igugol ang sarili nila, hindi umaasal sa kahit anong paraan na maaaring isipin ng mga tao na hindi angkop o hindi ideyal. Batay sa panlabas nilang pag-uugali, sinasang-ayunan sila ng mga tao at hindi mahanapan ng anumang pagkakamali, mukhang umaayon sila sa Kristiyanong kagandahang-asal, at hindi pa nga sila mukhang negatibo o mahina. Kapag may nakikita silang isang taong nanghihina o nagiging negatibo, madalas nila itong mahigpit na sinasaway, sinasabing, “Nagiging mahina ka dahil lang sa isang maliit na bagay—hindi ba’t lubos itong nakakasakit sa diyos? Alam mo ba kung anong oras na ngayon? Napakaraming salita na ang binigkas ng diyos sa atin, kaya paano ka pa rin manghihina? Bakit napakakaunti ng pagkakaintindi mo sa puso ng diyos? Anuman ang isyung kinakaharap mo, dapat palagi kang lumapit sa diyos para magdasal, matutong mahalin ang diyos at maging tapat sa kanya, at dapat kang magpasakop at huwag manghina. Kung palagi mong isinasaalang-alang ang laman mo, hindi ba’t naghihimagsik ka laban sa diyos?” Tila walang problema sa sinasabi nilang ito, pero walang kabuluhan ang lahat ng ito at hindi nito kayang lutasin ang mga problema ng mga tao. Sinasabi nila, “Alam mo ba kung anong oras na ngayon?”—may kinalaman ba iyon sa nararamdamang kahinaan ng mga tao? May kinalaman ba ito sa paghihimagsik? May mga tiwaling disposisyon ang mga tao at namumuhay sa laman nila, at ang mga tao ay palaging maaaring manghina at maghimagsik.

Gustong gampanan ng mga anticristo ang papel ng mga espirituwal na tao, bilang pinakamagagaling sa mga kapatid, at bilang mga taong nakakaunawa ng katotohanan at kayang tumulong sa mga mahina at kulang pa sa gulang. Ano ang pakay nila sa pagganap sa papel na ito? Una, naniniwala sila na nalampasan na nila ang laman at ang sekular na mundo, na naiwaksi na nila ang kahinaan at mga pangangailangan ng laman ng normal na pagkatao. Naniniwala sila na sila ang mga tao sa sambahayan ng Diyos na kayang umako ng mahahalagang gampanin, na kayang magsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at na sila ang may pusong puno ng mga salita ng Diyos. Pinupuri nila ang kanilang sarili dahil natugunan na nila ang mga hinihingi ng Diyos at napalugod ang Diyos, dahil nagagawa nilang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at nakakamit ang magandang hantungang ipinangako ng Diyos. Kaya, madalas silang nakakaramdam ng kahambugan at na mas magaling sila kaysa sa iba. Ginagamit nila ang mga salitang natatandaan at nauunawaan nila sa kanilang isipan para sermonan ang iba, at para kondenahin at hatulan ang iba. Madalas din silang gumagamit ng mga partikular na pamamaraan at kasabihan na naiisip nila sa mga kuru-kuro nila para limitahan at tagubilinan ang iba, na nagiging dahilan para sundin ng ibang tao ang mga patakaran at sumunod ang mga ito sa kanila, nang sa gayon ay mapangalagaan nila ang kanilang katayuan sa iglesia. Naniniwala sila na hangga’t kaya nilang mangaral ng isang hanay ng mga espirituwal na doktrina, bumigkas ng mga nauusong islogan, manguna, maging handang sumulong at umako ng gawain, at mapanatili ang normal na kaayusan ng iglesia, magiging mga espirituwal na tao sila, at magiging matatag ang katayuan nila. Kaya, ipinapalabas nila na mga espirituwal na tao sila at pinupuri nila ang sarili nila bilang ganito, habang kasabay nito ay ipinapalabas din nila na makapangyarihan sila sa lahat, lubos na may kakayahan, at mga perpektong tao. Halimbawa, kapag tinatanong mo sila kung marunong silang mag-type, sinasabi nila, “Oo, hindi mahirap para sa akin na mag-type.” Tatanungin mo sila, “Kaya mo bang magkumpuni ng mga makina?” Sasabihin nila, “Pare-pareho lang ang mga prinsipyo ng lahat ng makina. Oo, kaya kong ayusin ang mga ito.” Magtatanong ka, “Kaya mo bang ayusin ang mga traktora?” Sasabihin nila, “Maituturing ba na pag-aayos ng makina ang pag-aayos ng napakasimpleng makinang iyon?” Tatanungin mo sila, “Marunong ka bang magluto?” Sasabihin nila, “Kumakain ako, siyempre marunong akong magluto!” Magtatanong ka, “Kaya mo bang magpalipad ng eroplano?” Sasabihin nila, “Hindi ko pa ito natututuhan, pero kung pag-aaralan ko ito, kaya kong gawin iyon. Kaya kong maging kapitan ng eroplano, walang problema.” Iniisip nila na kaya nilang gawin ang lahat, na mahusay sila sa lahat ng bagay. May nasirang computer ang isang tao at hinihiling niya sa kanila na ayusin ito. Sasabihin nila na madali lang itong ayusin, pero ang totoo, wala silang alam at hindi nila alam kung paano ito ayusin, at sa huli, matapos subukang ayusin ito nang paulit-ulit, nabubura nila ang lahat ng impormasyon sa computer. Tinatanong sila ng may-ari ng computer, “Kaya mo bang ayusin ito o hindi?” At sasagot sila, “Nakapag-ayos na ako ng mga computer noon, pero ngayon, medyo nakalimutan ko na kung paano ito gawin. Mas mabuti pang maghanap ka na lang ng ibang mag-aayos nito.” Napakahusay nilang magkunwari, hindi ba? Ang mga tao na gaya nila ay may disposisyon ng arkanghel; hindi nila kailanman kayang sabihin na, “Hindi ko alam kung paano ito gawin,” o “Hindi ko ito kayang gawin,” o “Hindi ako magaling dito,” o “Hindi ko pa ito nakita dati,” o “Hindi ko alam”—hindi nila kailanman kayang sabihin ang mga ganitong bagay. Anumang bagay, kung tatanungin mo sila tungkol dito, kahit hindi nila alam kung paano ito gawin at hindi pa nila ito nakita dati, kailangan pa rin nilang makaisip ng mga dahilan at palusot para mapaniwala ka na magaling sila sa lahat ng bagay, na marunong silang gawin ang lahat, na kaya nilang gawin ang lahat, at na puwedeng gawin ang lahat ng bagay. Anong klaseng tao ang gusto nilang maging? (Mga superman, mga tao na may lubos na kakayahan.) Gusto nilang maging mga tao na may lubos na kakayahan, na ipalabas na sila ay mga anghel ng liwanag—hindi ba’t ganitong klase sila ng tao? Dahil palaging gustong magkunwari ng mga anticristo na magaling sila sa lahat ng bagay, kapag hinihiling mo sa kanila na makipagtulungan sa iba, na makipagpalitan ng mga pananaw, makipagtalakayan, makipagbahaginan, at makipag-usap sa iba tungkol sa mga isyu, hindi nila ito magawa. Sinasabi nila, “Hindi ko kailangan ng sinuman para makipagtulungan sa akin. Hindi ko kailangan ng alalay. Hindi ko kailangan ang tulong ng kahit sino sa paggawa ng anumang bagay. Kaya ko itong gawin nang mag-isa, alam ko kung paano gawin ang lahat, lubos akong may kakayahan, at walang bagay na hindi ko kayang gawin, walang bagay na hindi ko makakamit, at walang bagay na hindi ko matatapos. Sino ako? Hindi kayo marunong gumawa ng kahit ano, at kahit na marunong kayong gumawa ng isang bagay, hindi kayo mahusay rito. Kahit isang bagay lang ang natutuhan kong gawin, alam ko kung paano gawin ang lahat. Kung mahusay ako sa isang bagay, mahusay ako sa lahat. Marunong akong magsulat ng mga artikulo at nakakapagsalita ako ng mga banyagang wika. Kahit na hindi pa ako marunong ngayon na magsalita ng banyagang wika, kung mag-aaral ako, hindi ko magiging problema na matuto ng limang banyagang wika.” May nagtatanong sa kanila kung kaya ba nilang umarte sa mga pelikula, kumanta at sumayaw, at sinasabi nila na kaya nilang gawin ang lahat ng iyon. Ang galing nilang magyabang, hindi ba? Nagkukunwari silang kaya nilang gawin ang lahat ng bagay at marunong gumawa ng lahat—talagang taglay nila ang kalikasan ng arkanghel! May nagtatanong sa kanila kung naging mahina na ba sila sa mga taon ng pananampalataya nila sa Diyos, at sumasagot sila, “Ano ba ang dapat kong ikapanghina? Napakalinaw ng mga salita ng diyos. Hindi tayo dapat manghina. Kung manghihina tayo, binibigo lang natin ang diyos. Dapat tayong magbigay ng 120 porsiyentong pagsisikap para suklian ang pagmamahal ng diyos!” Tatanungin siya ng isa, “Ni minsan ba ay nangulila ka sa tahanan mo mula nang lisanin mo ito ilang taon na ang nakalipas? Umiiyak ka ba kapag nangungulila ka sa tahanan mo?” Sumasagot sila, “Ano ba ang dapat kong iyakan? Nasa puso ko ang diyos. Kapag iniisip ko ang diyos, hindi ko na nami-miss ang tahanan. Ang lahat ng kapamilya ko na walang pananampalataya ay mga diyablo at Satanas. Ipinagdarasal ko na sana masumpa sila.” Tinatanong sila ng isa pang tao, “Ni minsan ba ay nalihis ka na sa mga taon ng iyong pananalig?” Sumasagot sila, “Napakalinaw ng mga salita ng diyos, paanong maliligaw ang isang tao? Ang mga naliligaw ay mga taong hangal at walang espirituwal na pagkaunawa. Maliligaw ba ang isang tao na may kakayahan na katulad ko? Maaari kayang matahak ko ang maling landas? Hindi maaari.” Naniniwala silang magaling sila sa lahat ng bagay, na mas mahusay sila kaysa sa lahat. Ano ang tingin nila sa mga taong nagiging negatibo at mahina? Sinasabi nila, “Ang mga taong nagiging negatibo at mahina ay wala lang ibang magawa.” Totoo ba ito? Ang ilang pagiging negatibo at mahina ay normal lang, samantalang may dahilan naman sa ilang pagiging negatibo at mahina, kaya paano nila masasabing ang mga taong ito ay “wala lang ibang magawa”? Nagkukunwaring espirituwal sa ganitong paraan ang mga anticristo, nagkukunwari silang kaya nilang gawin ang lahat ng bagay, nagkukunwaring wala silang kakulangan o kahinaan, at higit pa rito, nagkukunwari sila na hindi sila mapaghimagsik at na hindi sila kailanman sumalangsang.

Kahit ano pa ang konteksto, anuman ang tungkuling ginagawa niya, susubukan ng isang anticristo na magbigay ng impresyon na hindi siya mahina, na lagi siyang malakas, puno ng pananalig, at hindi kailanman negatibo, nang sa gayon ay hindi kailanman makikita ng mga tao ang kanyang tunay na tayog o totoong saloobin sa Diyos. Sa katunayan, sa kaibuturan ng kanyang puso, naniniwala ba talaga siya na wala siyang hindi kayang gawin? Tunay bang naniniwala siya na wala siyang kahinaan, pagkanegatibo, o mga pagpapakita ng katiwalian? Tiyak na hindi. Magaling siyang magkunwari, mahusay sa pagtatago ng mga bagay-bagay. Gusto niyang ipinapakita sa mga tao ang bahagi ng kanyang pagkatao na malakas at kahanga-hanga; ayaw niyang makita nila ang parte niya na mahina at totoo. Halata naman ang kanyang layon: Simple lang naman, ito ay upang hindi mapahiya, upang maprotektahan ang puwang na mayroon siya sa puso ng mga tao. Iniisip niya na kung sasabihin niya sa iba ang tungkol sa sarili niyang pagkanegatibo at kahinaan, kung ibubunyag niya ang bahagi ng kanyang pagkatao na mapaghimagsik at tiwali, magiging matinding pinsala ito sa kanyang katayuan at reputasyon—mas malaking problema pa ito kaysa sa pakinabang na dulot nito. Kaya mas nanaisin pa niyang mamatay kaysa aminin na may mga oras na siya ay mahina, mapaghimagsik, at negatibo. At kung dumating man ang araw na makita ng lahat ang bahagi ng pagkatao niya na mahina at mapaghimagsik, kapag nakita nila na siya ay tiwali, at hindi talaga nagbago, magpapatuloy siya sa pagkukunwari. Iniisip niya na kung aaminin niyang mayroon siyang tiwaling disposisyon, na isa siyang ordinaryong tao, isang hamak na tao, mawawalan siya ng puwang sa puso ng mga tao, mawawala sa kanya ang pagsamba at pagtangi ng lahat, at kung kaya lubos na mabibigo. Kaya’t anuman ang mangyari, hindi siya magtatapat sa mga tao; anuman ang mangyari, hindi niya ibibigay ang kanyang kapangyarihan at katayuan sa kaninuman; sa halip, pilit siyang makikipagkompitensya sa abot ng kanyang makakaya, at hinding-hindi susuko. Sa tuwing nakakaharap siya ng isang isyu, nagkukusa siyang magpapansin at magpakitang-gilas at magbandera ng sarili niya. Sa sandaling lumilitaw ang isang problema at nagkaroon ng mga kahihinatnan, mabilis siyang nagtatago, o kaya ay ipinapasa ang responsabilidad sa iba. Kung nahaharap siya sa isang isyung naiintindihan niya, agad niyang ipinangangalandakan ang kakayahan niya at sinasamantala ang pagkakataon para magpakilala sa iba, para makita ng iba na mayroon siyang mga kaloob at espesyal na kasanayan, at para tingalain at sambahin siya ng mga tao. Kung may mangyaring mahalaga, at may magtanong sa kanya tungkol sa pagkaunawa niya sa pangyayari, nag-aalangan siyang ihayag ang pananaw niya, sa halip ay hinahayaan niya ang iba na maunang magsalita. May mga dahilan ang kanyang pag-aalangan: Hindi sa dahil wala siyang pananaw, kundi natatakot siya na mali ang pananaw niya, na kung sasabihin niya ito, papabulaanan ito ng iba, na mapapahiya lang siya, at kaya mas pinipili niyang manahimik tungkol dito; o kaya ay wala talaga siyang pananaw at hindi niya malinaw na nauunawaan ang usapin, hindi siya naglalakas-loob na magsalita nang padalos-dalos, dahil sa takot na baka pagtawanan ng mga tao ang kamalian niya—kaya wala siyang magawa kundi manahimik. Sa madaling salita, hindi siya agad nagsasalita ng mga pananaw niya dahil natatakot siyang mabunyag ang sarili niya kung ano talaga siya, na makita ng iba na siya ay naghihikahos at kahabag-habag, na nakakaapekto sa imaheng mayroon ang iba tungkol sa kanya. Kaya, pagkatapos magbahagi ng lahat ng kani-kanilang pananaw, kaisipan, at kaalaman, ginagamit niya ang ilang mas matayog, mas kapani-paniwalang pahayag, na ipinapalabas niya bilang sarili niyang pananaw at pag-unawa. Inbinubuod niya ang mga ito at ibinabahagi ang mga ito sa lahat, kaya, tumataas ang katayuan niya sa puso ng iba. Ang mga anticristo ay lubhang tuso: Kapag oras na para magpahayag ng pananaw, hindi sila kailanman nagtatapat at nagpapakita sa iba ng tunay nilang kalagayan, hindi rin nila hinahayaang malaman ng mga tao kung ano talaga ang iniisip nila, kung ano ang kakayahan nila, kung anong klaseng pagkatao mayroon sila, kung anong klaseng kapangyarihan ng pag-unawa mayroon sila, at kung mayroon ba silang tunay na kaalaman sa katotohanan. Kaya, kasabay ng pagyayabang at pagpapanggap bilang isang espirituwal at perpektong tao, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para maitago ang totoo nilang mukha at tunay na tayog. Hindi nila inilalantad kailanman ang kanilang mga kahinaan sa mga kapatid, hindi rin nila sinusubukan kahit minsan na kilalanin ang kanilang sariling mga kakulangan at kapintasan; sa halip, ginagawa nila ang lahat para pagtakpan ang mga iyon. Tinatanong sila ng mga tao, “Napakaraming taon ka nang nananalig sa Diyos, nagkaroon ka na ba kahit kailan ng anumang mga pagdududa tungkol sa Diyos?” Ang sagot nila, “Hindi.” Tinatanong sila, “Ni minsan ba ay pinagsisihan mong tinalikuran mo ang lahat ng bagay sa paggugol para sa Diyos?” Ang sagot nila, “Hindi.” “Noong may karamdaman ka, nabalisa ka ba, nangulila ka ba sa pamilya mo?” At ang sagot nila, “Hindi kailanman.” Nakita mo na, ipinapakita ng mga anticristo na sila ay matatag, malakas ang loob, may kakayahang tumalikod at magdusa, mga taong walang kapintasan at walang anumang mga kamalian o problema. Kapag ipinapaalam ng isang tao ang kanilang katiwalian at mga pagkukulang, tinatrato sila nang pantay-pantay, bilang isang normal na kapatid, at nagtatapat at nakikipagbahaginan sa kanila, paano nila tinatrato ang bagay na ito? Ginagawa nila ang lahat para ipagtanggol at pangatwiranan ang kanilang sarili, para patunayan na tama sila, at sa huli ay ipakita sa mga tao na wala silang mga problema, at na sila ay perpekto at espirituwal na tao. Hindi ba’t puro pagpapanggap ito? Sinumang nag-aakala na sila ay walang kapintasan at banal ay mga impostor lahat. Bakit Ko sinasabi na lahat sila ay mga impostor? Sabihin mo sa Akin, mayroon bang sinumang walang kapintasan sa gitna ng tiwaling sangkatauhan? Mayroon bang sinuman na tunay na banal? (Wala.) Tiyak na wala. Paano mawawalan ng kapintasan ang tao samantalang labis siyang nagawang tiwali ni Satanas at, maliban pa riyan, hindi niya likas na taglay ang katotohanan? Diyos lang ang banal; lahat ng tiwaling sangkatauhan ay may dungis. Kung gagayahin ng isang tao ang isang banal na tao, sasabihin na wala siyang kapintasan, ano ang taong iyon? Siya ay isang diyablo, isang Satanas, isang arkanghel—siya ay magiging tunay na anticristo. Isang anticristo lang ang magsasabing siya ay walang kapintasan at banal na tao. Kilala ba ng mga anticristo ang sarili nila? (Hindi.) At dahil hindi nila kilala ang sarili nila, magbabahagi ba sila ng pagkakilala nila sa sarili? (Hindi.) Mayroon bang mga anticristo na magbabahagi sa pagkakilala nila sa sarili? (Oo.) Anong klaseng mga tao ang gumagawa nito? (Mga mapagpaimbabaw.) Tama. Nagkukunwari ang mga taong ito na kilala nila ang sarili nila, at pinapalaki nila ang maliliit na bagay at binibigyan ng ilang mahalagang pangalan ang kanilang sarili, sinasabing sila ay mga Satanas at mga demonyo, nagkukunwaring mayroon silang malalim na pagkakilala sa sarili nila. Sila ay mga huwad na espirituwal na tao, hindi ba? Hindi ba’t mga mapagpaimbabaw sila? Kapag nagbabahagi sila tungkol sa pagkakilala nila sa sarili, talaga bang kilala nila ang sarili nila? (Hindi.) Kung gayon, ano ang sinasabi nila tungkol sa pagkakilala nila sa sarili? (Kapag nagsasalita ang mga anticristo tungkol sa pagkakilala nila sa sarili, hindi sila nagsasalita tungkol sa aktuwal nilang sitwasyon, nagsasalita lang sila ng mga walang kabuluhang salita ng doktrina, na hindi talaga praktikal; parang mayroon silang malalim na pagkakilala, pero walang tanda ng pagsisisi.) Ito ba ay tunay na pagkakilala sa sarili? Walang tunay na pagsisisi, kaya, humantong na ba sila sa pagkamuhi sa sarili nila? Kapag walang pagsisisi at walang pagkapoot sa sarili nila, hindi talaga nila kilala ang kanilang sarili. Ang pagkakilala sa sarili na sinasabi ng mga anticristo ay naglalaman lang ng mga bagay na alam na ng lahat tungkol sa kanila, na nakikita ng lahat. Gumagamit din sila ng nakalilinlang na argumento at pagbibigay-katwiran sa sarili para iparamdam sa lahat na wala silang nagawang mali, at kaya pa rin nilang magsalita tungkol sa pagkakilala nila sa sarili, para mas hangaan sila ng mga tao. Kapag nakitang wala silang nagawang anumang mali pero nagninilay-nilay pa rin sa sarili nila at nagsisikap na makilala ang sarili nila, ang iniisip ng mga tao ay, “Kung talagang gumagawa siya ng mali, mas malamang na makikilala niya ang sarili niya. Lubos siyang maka-diyos!” Ano ang resulta ng ginagawang ito ng anticristo? Inililigaw nila ang mga tao. Hindi nila tunay na hinihimay-himay o inuunawa ang sarili nilang tiwaling disposisyon para may matutuhang aral ang ibang tao mula rito; sa halip, ginagamit nila ang pagbabahagi tungkol sa pagkakilala nila sa sarili para hangaan sila ng mga tao. Ano ang kalikasan ng kilos na ito? (Pagpapatotoo sa sarili para ilihis ang mga tao.) Tama. Inililihis nila ang mga tao. Paanong itinuturing ito na pagkakilala sa sarili? Ito ay panlilinlang, wala nang iba. Ginagamit nila ang pagsasalita tungkol sa pagkakilala sa sarili nila para ilihis ang mga tao, para isipin ng mga tao na sila ay espirituwal, at na kilala nila ang sarili nila, para hangaan at sambahin sila ng mga tao. Ito ay isang kasuklam-suklam at maruming pagsasagawa—at ito ang kabuktutan ng mga anticristo.

May ilang tao na gumagampan ng tungkulin nila sa iglesia na malinaw na walang kakayahang umako ng mga trabahong nangangailangan ng teknikal na kasanayan, pero iginigiit nila na mapasama sa grupo. Naniniwala sila na dahil natuto na sila ng kaugnay na kasanayan dati, naiintindihan nila ang espesyalisasyong ito, at alam nila kung paano gawin ang mga bagay-bagay, kaya iginigiit nilang kunin ang trabahong ito. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at bukod pa rito, dahil sa hindi nila nauunawaan ang katotohanan, hindi sila nakikipagbahaginan o nakikipagtulungan sa iba, at lalong hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, iginigiit na nauunawaan at alam na nila ito. Kaya, may kaibahan ba sa pagitan ng pagkatuto ng isang propesyonal na kasanayan at pagkatuto kung paano gawin ang mga bagay-bagay sa isang banda, at ng pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo sa kabilang banda? Sa pagkatuto ng isang propesyonal na kasanayan at kung paano gawin ang mga bagay-bagay, nangangahulugan ba iyon na nauunawaan ng isang tao ang mga katotohanang prinsipyo? (Hindi.) Ang mga taong ito na walang espirituwal na pagkaunawa ay naniniwala na ang pagkatuto ng isang propesyonal na kasanayan ay nangangahulugan na nauunawaan nila ang mga katotohanang prinsipyo, at kaya mapangahas nilang nagagawa ang trabaho ayon sa sarili nilang paraan, hindi nakikinig sa sinuman, at hindi kinakailangang gawin ang trabaho ayon sa mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos. Naniniwala sila na sarili nila itong gawain at walang ibang pwedeng makialam o magtanong sa kanila tungkol dito—ang trabaho ay magiging ayon sa kung paano nila ito gagawin, at ang ginagawa nila ay itinuturing bilang pamantayan. Hindi ba’t ganito umasal ang mga anticristo? Hindi ba’t seryosong problema ito? Kung ang isang tao ay marunong lang ng isang propesyonal na kasanayan at hindi nakakaunawa sa katotohanan, ano ang magiging mga kahihinatnan ng paggampan niya sa kanyang tungkulin? (Magsasanhi siya ng kaguluhan sa gawain ng iglesia.) Kaguluhan lang ba? Hindi ba’t magiging mayabang at palalo siya? Hindi ba’t gagawa siya ng mga bagay na maglalagay sa Diyos sa kahihiyan? (Oo.) Sa pamamagitan ng paggampan sa tungkulin mo, ang epektong dapat mong makamit ay ang magpatotoo tungkol sa Diyos; hindi ka lang sumasabak sa isang propesyon, kundi dapat mong makamit ang epekto ng pagpapatotoo tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng paggampan sa tungkulin mo, at kaya, ang propesyonal na kasanayang ito ay ginagamit lang para sa tungkuling ginagampanan mo. Ang isang propesyonal na kasanayan ay hindi kumakatawan sa katotohanan, at ang pagiging bihasa sa isang propesyonal na kasanayan ay hindi nangangahulugan na nauunawaan mo ang katotohanan o na kaya mong gawin ang trabaho ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Tutol dito ang ilang tao, sinasabi nila, “Pumunta ako sa sambahayan ng diyos, alam ko ang propesyonal na kasanayang ito, alam ko kung paano gawin ang bagay-bagay, kaya dapat bigyan ako ng sambahayan ng diyos ng mahahalagang gampanin at pahalagahan ako. Hindi ako nito dapat ipahiya o pakialaman sa anumang bagay na saklaw ng propesyonal na kasanayan ko. Ako dapat ang nagtuturo sa iba. Hindi dapat isaayos ng sambahayan ng diyos na makatrabaho ko ang mga taong hindi alam kung paano gawin ang bagay-bagay. Hindi sila karapat-dapat na maging katrabaho ko.” Tama ba ang ganitong pag-iisip? (Hindi.) Hindi karapat-dapat ang ibang tao na maging katrabaho nila—hindi ba’t ganito mag-isip ang isang anticristo? Kung walang sinuman sa sambahayan ng Diyos ang karapat-dapat na makatrabaho ka, kung gayon, karapat-dapat ka bang gumampan sa tungkuling ito? Sino ka sa palagay mo? Naperpekto ka na ba? Hindi ka karapat-dapat gumampan sa tungkuling ito! Dahil lang sa itinataas ka ng Diyos kaya may pagkakataon kang magampanan ang tungkuling ito. Dapat mong maunawaan ang mga prinsipyo ng paggampan sa tungkulin mo. Nagpapatotoo ka ngayon sa Diyos, hindi lang basta nagtatrabaho sa isang propesyon. Ang kaunting propesyonal na kasanayan na alam mo ay ginagamit lang para magserbisyo at magamit sa tungkuling ito. Samakatwid, kahit gaano pa kahirap sa teknikal na aspekto ang tungkuling ginagampanan mo, dapat lagi kang tumuon sa mga katotohanang prinsipyo sa bawat parte nito para makamit mo ang epekto ng pagpapatotoo sa Diyos. Kung hindi mo makakamit ang epektong ito at nagdudulot ng kahihiyan sa Diyos ang tungkuling ginagampanan mo, ano pa ang silbi ng mga teknikal na abilidad mo kung gayon? Magkakaroon pa ba ng anumang halaga ang mga ito? Hindi, hindi magiging mahalaga ang mga ito. Kaya, huwag mong ituring bilang katotohanan ang kaunting propesyonal na kasanayan at teknikal na abilidad na iyon—hindi katotohanan at hindi dapat pahalagahan ang mga ito. Kung hindi ka ginamit ng sambahayan ng Diyos, kung hindi ka itinaas ng Diyos, magiging walang saysay ang munti mong propesyonal na kasanayan at teknikal na abilidad. Kung ihahambing sa katotohanan, ang mga bagay na iyon ay hindi nagkakahalaga ng kahit isang kusing!

Masasabi na ang pagpapanggap ng mga anticristo ay isang paraang ginagamit nila para magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao—ginagamit nila ang paraan ng pagpapanggap para ilihis at iligaw ang mga tao. Ipinapakita ng pagpapanggap ng mga taong ito na bukod sa likas nilang hindi tinatanggap o kinikilala ang katotohanan, mayroon ding mas higit pang makatotohanang interpretasyon tungkol sa mga taong ito: Wala silang espirituwal na pagkaunawa. Ano ang ibig sabihin ng “wala silang espirituwal na pagkaunawa”? Nangangahulugan ito na hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos o ang katotohanan. At dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, wala silang ideya kung anong uri ng mga tao ang mahal ng Diyos, kaya naiisip nila ang ganitong uri ng espirituwal na tao at pagkatapos ay nagpapanggap at nagkukunwari sila. Kumikilos sila gaya ng ganitong uri ng tao, naniniwala na sa ginagawa nila ay magugustuhan sila ng Diyos at ng ibang tao. Sa katunayan, kabaligtaran ang nangyayari, dahil ang mga taong tulad nito ay ang mismong mga kinasusuklaman at kinokondena ng Diyos. Kaya, huwag kang gumaya sa ganitong tao. Kung gusto mo ring maging kagaya ng taong ito, kung madalas kang nagpapanggap at nagkukunwari sa ganitong paraan, at inililihis mo ang mga tao sa ganitong paraan, kung gayon ay sinusunod mo ang landas ng isang anticristo. Dapat mong matutuhang sabihing, “Mayroon akong kahinaan, pagkanegatibo, at mga tiwaling disposisyon. Ako ay isang ordinaryong tao, hindi ako espesyal. Maraming bagay ang hindi ko nauunawaan at hindi ko alam kung paano gawin. Madalas akong mahina at naililihis ni Satanas kaya ay nahuhulog ako sa tukso ni Satanas. Pagdating sa mga teknikal na kasanayan, kaya ko lang magpakadalubhasa sa isa o dalawa, at kaya kong matuto kung paano gawin ang mga ito sa pangkalahatan. Alam ko kung paano gawin ang kaunting propesyonal na kasanayang ito, at mayroon akong kaunting espesyal na kasanayan. Ordinaryong tao lang ako, wala akong mataas na kakayahan, at katamtaman lang ang pang-unawa ko. Pagdating sa katotohanan, kung ano ang ibinabahagi ng Diyos, hanggang doon lang ang nauunawaan ko. Hindi ko nauunawaan ang anumang bagay na hindi inilalahad o malinaw na ipinapaliwanag ng Diyos, at katamtaman lang ang kakayahan ko. Ako ang pinipili ng mga kapatid na maging lider ng iglesia o lider ng grupo, at ito ay dahil itinataas ako ng Diyos, at hindi ito dahil sa mas magaling ako kaysa sa iba. Wala akong dapat ipagmalaki.” Kaya ba ninyong sabihin ang ganitong bagay? Nasabi na ba ninyo ang ganitong bagay? Ganito ba kayo mag-isip sa puso ninyo? Kung palagi mong nararamdaman sa puso mo na ikaw ay dakila, kamangha-mangha, mas magaling kaysa sa iba, natatangi, espesyal sa kahit anong grupong kinabibilangan mo, na ikaw ang pinakamahusay, na kung gugugol ka ng isang buwan o dalawa sa isang grupo ng mga tao, masasaksihan ng lahat ang mga espesyal mong kasanayan, talento, kakayahan, at pang-unawa at makikita bilang mas mahusay kaysa sa mga ordinaryong tao—kung palagi mong sinusukat at ipinupuwesto ang iyong sarili sa puso mo sa ganitong paraan, kung gayon ay lubha kang nanganganib at nasa malaking gulo.

Napakakakaunti lang sa buong sangkatauhan ang tunay na nakakaunawa sa katotohanan, at mas lalong kakaunti ang mga taong perpekto o may kakayahang gumawa ng anumang bagay—ordinaryo lang ang lahat. Iniisip ng ilang tao na hindi sila ordinaryo, kaya paano nagkakaroon ng ganitong kaisipan? Nagkakaroon ng ganitong kaisipan dahil mahusay sila sa isang bagay; may ilan na magaling sa pagkanta, may magaling sa pag-arte, may magaling sa mga teknikal na kasanayan, may magaling sa pisikal na trabaho, may magaling sa pakikisalamuha, may magaling sa politika, may magaling sa negosyo, at iba pa. Wala sa mga bagay na ito ang may kinalaman sa katotohanan, pero dahil sa mga ito, madalas kang nagkakaroon ng maling pagkaunawa at mali mong pinaniniwalaang mas magaling ka kaysa sa iba. Bakit mali na isipin mo na dahil sa mga bagay na ito ay mas magaling ka kaysa sa iba? Ang mga bagay na ito na magaling ka at itong tinatawag na “mas magaling kaysa sa iba” ay hindi nangangahulugang kaya mong maunawaan ang katotohanan, na kaya mong lampasan ang mga ordinaryong tao pagdating sa pag-unawa sa katotohanan, o na nagtataglay ka ng magagandang kondisyon pagdating sa paghahangad ng kaligtasan mula sa Diyos at sa pagiging perpekto—hindi ito ang ibig sabihin ng mga bagay na ito. Dapat malinaw ninyong makilala ang bagay na ito! Mula sa panahong nagsimulang bumigkas ang Diyos ng Kanyang mga salita at gumampan ng Kanyang gawain hanggang ngayon, nagsalita Siya ng hindi mabilang na mga salita at gumampan ng hindi mabilang na mga gawain, at mayroon bang kahit isang tao sa lahat ng tiwaling sangkatauhan ang nakakita sa mga pagbigkas ng Diyos na Siya ang Lumikha at na ang mga salitang binibigkas Niya ay ang katotohanan? Mayroon bang kahit isang tao na makakakita ng pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos sa mga salita ng Diyos at pagkatapos ay tatayo upang magpatotoo sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos? Wala ni isa! Pinapatunayan ng katunayang ito na, pagdating sa kakayahan, isipan, at pananaw ng buong sangkatauhan, wala sila ng mga kinakailangang kondisyon para sa pag-arok ng katotohanan, bukod pa sa katunayang ang lahat ng tao ay nagtataglay ng mga tiwaling disposisyon ni Satanas. Sinasabi ng ilang tao, “Kung wala kami ng kinakailangang kondisyon sa pag-arok ng katotohanan, bakit kami nakakaunawa ng kaunting katotohanan ngayon?” Hindi ba’t iyon ay dahil napakarami Kong sinabi tungkol dito? Napakarami Ko nang sinabi na ayaw Ko nang magsalita at sawa na Akong magsalita. Sa tuwing nagsasalita at nakikipagbahaginan Ako sa inyo, kailangan Kong hati-hatiin ang mga paksa sa mga pangunahing paksa, mga panggitnang paksa, at mga pangalawang paksa, palaging ipinapaliwanag ang bagay-bagay nang detalyado, at hindi pa rin kayo nakakaunawa, kung gayon, anong klaseng kakayahan ba ang mayroon kayo? May mga tao na sobra pa ring mayabang at mapagmagaling, pero ano ba ang dapat mong ipagmayabang? Nakikita Ko na wala namang kahanga-hanga sa karamihan sa inyo. Pagkatapos gumampan ng mga teknikal na trabaho sa loob ng napakaraming taon, ilan ba sa inyo ang tunay na nakakaunawa sa mga katotohanang prinsipyo, kayang sumunod sa mga katotohanang prinsipyo, at kayang gawin ang mga trabaho ninyo ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan? Wala kayong nagagawang maayos na trabaho, kahit ano pa man ito, at palaging kinakailangang personal kayong turuan ng Itaas kung paano gawin ang bagay-bagay. Kung hindi, walang magiging tamang resulta, at kung magpapatuloy ang anumang trabaho nang walang pagsusubaybay at pagtuturo sa inyo ng Itaas kung paano gawin ito, lilitaw ang mga problema. Sabihin ninyo sa Akin, may maipagmamalaki ba ang mga ganitong tao? Wala, pero nagkukunwari pa rin sila bilang perpekto, espirituwal, dakila, at nakakataas na tao sa lahat ng aspekto—hindi ba’t wala silang kahihiyan? Ang hirap talaga ninyong pakisamahan! Anuman ang paksang ibinabahagi Ko, kailangan Kong gawin ito nang detalyado, mas maraming detalye, mas mainam. Hindi sapat na ipaliwanag lang nang mas simple ang bagay-bagay. Ganito ang kakayahan at kaunting pang-unawa ng mga tao; lubha silang kahabag-habag at gayumpaman, naniniwala pa rin sila na dakila sila. Tatapusin Ko na rito ang Aking pagbabahagi tungkol sa aspektong ito.

c. Sa Pamamagitan ng Pangingibabaw sa Lahat

Ngayon, magbabahaginan tayo tungkol sa ikatlong aspekto: sa pamamagitan ng pangingibabaw sa lahat. Anuman ang ginagawa ng mga anticristo, palagi nilang gustong mangibabaw sa lahat—ito ang pinakakapansin-pansing pagpapamalas ng kalikasan nila. Kapag gusto ng sinuman na mangibabaw sa lahat, isang napakaseryosong problema nito, at mga tunay na anticristo ang lahat ng ganitong tao. Ano ang ibig sabihin ng “pangingibabaw sa lahat”? Taglay ng mga anticristo ang diwa ni Satanas, ang arkanghel; likas na ayaw nilang maging normal o ordinaryong tao. Kung gagawin silang ordinaryong tao, para mamuhay ng isang simpleng buhay, hindi sila papayag at hindi sila masisiyahan dito, at patuloy silang makikibaka. Bakit sila patuloy na makikibaka? Dahil gusto nilang mag-ingay at gumawa ng mga pakulo para mapansin ng iba, para malaman ng ibang tao na may isang nakakaangat na tao na gaya nila sa pagitan ng langit at lupa. Gusto nilang gumawa ng pangalan para sa sarili nila, para malaman ng iba na isa silang napakalaking isda sa maliit na lawa, gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya. Anong uri ng mga bagay ang mga isdang ito na masyadong malaki para sa maliit na lawa? Masasamang espiritu sila, maruruming demonyo, mga arkanghel, mga Satanas, at mga diyablo. Hindi likas na gustong palipasin ng mga anticristo ang mga araw nila nang kontento na sa kasalukuyang kalagayan ng buhay nila, nang namumuhay bilang isang ordinaryong tao; hindi nila tahimik na ginagampanan ang tungkulin nila o kumikilos na parang mga ordinaryong tao na maganda ang asal—hindi sila kontento sa ganoon. Samakatuwid, paano man sila umasal sa panlabas, sa kaibuturan ng kanilang puso, palagi silang malungkot sa kasalukuyang kalagayan ng buhay nila at gagawa sila ng mga partikular na bagay. Anong mga bagay? Gagawa sila ng mga partikular na bagay na hindi kayang isipin ng mga normal na tao. Gusto nilang maging sentro ng atensiyon at hindi sila magdadalawang-isip na magtiis ng kaunting hirap at magbayad ng kaunting halaga. May isang kasabihan: “Ang mga bagong opisyal ay sabik magpasikat.” Sa sandaling maging isang lider ang isang anticristo, pakiramdam niya ay dapat siyang gumawa ng ilang kahanga-hangang bagay at gumawa ng ilang “tagumpay sa propesyon niya” para patunayang hindi siya ordinaryo. Ano ang pinakamalubhang problema rito? Bagamat gumagawa siya ng mga bagay sa iglesia, at bagamat nagpapanggap siya na ginagampanan ang tungkulin niya, hindi siya kailanman humihingi ng gabay sa Diyos kung paano gampanan ang tungkulin niya o kung paano gawin nang maayos ang gawain ng iglesia, hindi rin niya taimtim na tinitiyak kung ano ang mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos, kung ano ang mga katotohanang prinsipyo, o kung paano kumilos sa paraang kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa mga kapatid, na hindi magdudulot ng kahihiyan sa Diyos, na magpapatotoo sa Diyos, na magpapahintulot sa gawain ng iglesia na umusad nang maayos, at magtitiyak na walang lilitaw na mga kapabayaang pagkakamali sa gawain niya. Hindi niya kailanman tinatanong ang tungkol sa mga bagay na ito at hindi niya kailanman inuusisa ang mga bagay na ito—wala siyang ganitong mga bagay sa puso niya, ang puso niya ay hindi puno ng mga bagay na ito. Kung gayon, ano ang inuusisa niya? Ano ang laman ng puso niya? Puno ito ng mga kaisipan tungkol sa kung paano niya maipangangalandakan ang mga talento niya, at maipapakita na naiiba siya sa karamihan, at maipapabida ang estilo niya ng pamumuno sa iglesia, para makita ng ibang mga tao na haligi siya ng iglesia, at na hindi kakayanin ng iglesia kung wala siya, at na tanging kapag naroroon siya makakausad nang maayos ang lahat ng gawain ng iglesia. Kung pagbabatayan ang mga pagpapamalas ng mga anticristo, at ang motibasyon at orihinal na motibo ng kanilang mga kilos, sa anong posisyon nila inilalagay ang sarili nila? Inilalagay nila ang sarili nila nang nangingibabaw sa lahat. At paano ito naipapamalas? (Sila ay masuwayin sa lahat at palagi nilang gusto na sila ang may huling salita, at ipinapagawa nila sa iba kung ano ang kanilang sinasabi.) May problema sa pagiging masuwayin nila sa lahat; may nakatagong kahulugan dito. Ibig sabihin, kapag ginagawa nila ang gawain ng iglesia, hindi nila ginagawa ang kanilang tungkulin, hindi rin nila isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at kaya hindi nila nararamdaman na kailangan nilang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, na mag-abalang alamin kung ano ang mga panuntunan ng iglesia o kung anong mga prinsipyo ang hinihingi ng sambahayan ng Diyos—ni hindi nila binibigyang-pansin ang anumang sinasabi Ko. Anong mga prinsipyo ang sinusunod nila? Sinusunod nila ang mga prinsipyo at motibasyon tulad ng paglilingkod sa iglesia at sa mga kapatid para maisakatuparan ang kanilang sariling mga gawain. Hangga’t nakakakuha sila ng posisyon sa iglesia at sa mga kapatid, at nagkakaroon ng katanyagan at kapangyarihang magdesisyon, sapat na iyon, at matatamo na nila ang tinatawag nilang “resulta” sa paggawa ng kanilang tungkulin. Ano ang pakay nila? Hindi para tuparin ang tungkulin ng isang nilikha o isaalang-alang ang pasanin ng Diyos, kundi sa halip ay para paglingkuran ang iglesia at ang mga kapatid at, habang ginagawa ito, para kontrolin ang lahat ng bagay na ito. Bakit Ko sinasabing gusto nilang kontrolin ang lahat ng bagay na ito? Dahil kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay, una nilang itinatatag ang kanilang posisyon, para magkamit ng tiyak na kabantugan, lumalago ang kanilang reputasyon, nagkakaroon sila ng kapangyarihang mamahala at magdesisyon, at pagkatapos ay maaari nilang gawing palamuti na lang ang Diyos at palitan ang posisyon ng Diyos. Sa loob ng saklaw ng kanilang impluwensiya, ginagawa nilang palamuti na lang ang nagkatawang-taong Diyos, isang sunud-sunuran, at ito ang ibig sabihin ng “pangingibabaw sa lahat.” Hindi ba ito ang ginagawa ng mga anticristo? Ganito umasal ang mga anticristo. Ginagamit ng mga anticristo ang pagkakataong magawa ang kanilang tungkulin para lubusang maipamalas ang kanilang mga kaloob at talento, at maipakita ang kanilang mga natatanging kaisipan at gawa, para makuha ang pabor ng mga tao at mapansin ng mas maraming tao. Pagkatapos, nakukuha nila ang kapangyarihang mamahala, magdesisyon, at kontrolin ang mga bagay-bagay sa iglesia, at dahil dito, maraming tao ang sumusunod at nagpapasakop sa kanila, at nagiging tagalabas ang Diyos—hindi ba’t ginagawa lang nilang palamuti ang Diyos? Ito ang pakay na gustong makamit ng mga anticristo sa mga kilos nila, at ito ang nangyayari sa huli saanman naghahari ang mga anticristo.

Kung may isang anticristong humahawak ng kapangyarihan sa iglesia, ano ang magiging kalagayan ng mga kapatid doon? Gagawin lang nila kung ano ang sinasabi ng anticristo, susunod lang sila sa mga regulasyon sa lahat ng kanilang ginagawa, hindi nila mauunawaan ang katotohanan, at hindi nila hahanapin ang katotohanan. Kahit gaano man sila magdusa o gaano man kalaking halaga ang ibayad nila, hindi sila makakausad kahit kaunti sa buhay pagpasok. Maging Ako ay itatakwil sa ganitong iglesia kapag pumunta Ako roon. Kasama nila, ang anticristong ito ay isang lider sa pangalan, pero ang totoo, naging amo at diyos na nila ang anticristong ito. Sa anumang iglesia na kontrolado ng isang anticristo, ang katotohanan at ang Diyos ay nagiging mga palamuti na lang. Ito ang ibig sabihin kapag nangingibabaw ang isang anticristo sa lahat. Hindi ba’t malubha ito? Kapag ang mga tao sa isang iglesia ay kontrolado ng isang anticristo, at pumupunta roon ang mga tagalabas para magtrabaho, hindi ba’t kailangang sumunod ng mga tao sa mga pahiwatig ng amo nila sa tuwing nagsasalita at kumikilos sila? Sila ay nasasailalim sa pinag-isang utos, kumikilos nang nagkakaisa, at walang sinuman ang nangangahas magsalita nang labag sa anticristo. Sa isang tingin lang mula sa amo nila, alam na ng mga taong ito kung ano ang ibig sabihin niyon, at pagkatapos ay kumikilos sila nang naaayon. Kung may itinatanong Ako sa kanila, nag-uusap sila sa sarili nilang diyalekto. Ibig sabihin, ayaw nilang malaman Ko kung ano ang sinasabi nila, gusto nila Akong iwasan, at itinuturing nila Akong isang tagalabas. Hindi ba’t problema ito? Ano ang kalikasan ng kagustuhan nilang umiwas sa Akin? Ito ang disposisyon at diwa ng isang anticristo—nais nilang kontrolin ang iglesia at ang mga tao. Anuman ang gawin ng mga anticristo, tiyak na hindi sila gagawa ng mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, lalong hindi nila isasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos; sinusubukan nilang magtatag ng sarili nilang mga kaharian at asikasuhin ang sarili nilang mga gawain. Paano ito matatawag na paggawa sa tungkulin nila? Ito ay ang pagtatatag nila ng sarili nilang mga kaharian sa ilalim ng pagpapanggap na paggawa ng kanilang tungkulin. Dahil may ganitong uri ng kalikasan ang mga anticristo, kahit na hindi nila sabihing personal nilang mahal at gusto ang katayuan, sa oras na may gagawin sila at iuunat ang kanilang kamay, mabilis nilang tatahakin ang landas ng mga anticristo, mabubunyag ang demonyo nilang kalikasan, at susubukan nilang magtatag ng sarili nilang mga kaharian. Sa sandaling may gagawin silang anumang bagay, susubukan nilang asikasuhin ang sarili nilang mga gawain; sa sandaling may gagawin silang anumang bagay, susubukan nilang magpatuloy sa sarili nilang mga diskarte at pamamaraan. Kapag may isinasaayos ang Itaas at umaabot ito sa kanila, hindi ito ipinapatupad ng mga anticristo, kundi sa halip ay pinag-aaralan nila ito, pinag-iisipang mabuti, at pinagbabahaginan. Ano ang pakay nila sa pagbabahaginan tungkol dito? Para mahimok ang lahat na pag-usapan ito para makita kung ito ba ay tatanggapin o hindi, at kung magagamit ba ito o hindi—hindi para isakatuparan ito. Ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ay ang katotohanan, pero nagbabago ito kapag umabot na ito sa isang anticristo, ito ay nagiging isang bagay na kailangan nilang pag-aralan. Inaaral, sinusuri, at tinatalakay nila ito, at sa huli, hinihimok nila ang lahat na tanggihan ng lahat ang mga hinihingi ng Diyos sa tao at ang mga iniaayos ng Diyos. Sa puso nila, iniisip nila, “Hindi ikaw ang katotohanan, isa ka lang ordinaryong tao. Walang halaga ang sinasabi mo, at kung gusto mong ikaw ang may huling salita sa aking nasasakupan, kalimutan mo na lang iyon! Ako na ang namamahala rito, kaya kailangang gawin ng lahat ang sinasabi ko. Mayroon akong ganap na kapangyarihan para magdesisyon at gumawa ng mga desisyon, at pwede ka lang maging isang palamuti rito. Ako dapat ang may huling salita sa lahat ng bagay sa loob ng saklaw ng aking gawain at impluwensiya. Kahit pa nauunawaan mo ang katotohanan, at ang lahat ng sinasabi mo ay katotohanan, hindi iyon uubra sa akin!” Isa itong anticristo at diyablo, hindi ba? Kaya, kapag narating nila ang teritoryo ng isang anticristo, hindi naipapatupad kahit kaunti ang mga pagsasaayos ng gawain ng iglesia, ang mga hinihingi ng Itaas, at ang mga katotohanang prinsipyo. Ano ang puwedeng gawin sa mga bagay na ito na hindi naipapatupad? Kapag hindi ipinapatupad ng iglesia ang mga ito, ibig sabihin ay may problema sa mga lider at manggagawa roon, at ang mga balakid at hadlang na ito ay dapat masolusyonan. Sa tingin mo ba ay walang kayang gawin ang sambahayan ng Diyos sa iyo? Kung kaya kang gamitin ng sambahayan ng Diyos, kaya ka rin nitong pangasiwaan. Sa tingin mo ba ay ito ang mundo? Sa tingin mo ba na kung mayroon kang impluwensiya, umaasta na parang isang maniniil, at kung lubos kang malupit, mapang-api, at mapanira, wala nang kayang gawin ang sinuman sa iyo? Kung ganoon, nagkakamali ka! Ito ang sambahayan ng Diyos, pinamumunuan ng katotohanan ang sambahayan ng Diyos, at maprinsipyo nitong tinatrato ang mga tao. Maaari kang gamitin at itiwalag ng sambahayan ng Diyos—kung gagamitin ka man o hindi ay napagpapasyahan ng isang salita mula sa Diyos. Kung magdudulot ka ng mga kaguluhan at hahadlang sa mga bagay sa hindi makatwirang paraan dito, sa huli ay ititiwalag ka; kung magsusumikap kang magserbisyo, kung mananatili ka rito at marunong kang lumugar at umasal nang tama, papanatilihin ka ng sambahayan ng Diyos para magserbisyo at titingnan Niya ang kalalabasan ng iyong pagseserbisyo.

Ang diwa ng mga anticristong nagtatatag ng sarili nilang mga kaharian ay ang pangingibabaw sa lahat, pagbabalewala sa Diyos, pagbabalewala sa katotohanan, at pagbabalewala sa mga panuntunan ng iglesia. Pinaglilingkuran lang nila ang pangalang “iglesia,” pinaglilingkuran lang ang titulong “sambahayan ng Diyos,” pinaglilingkuran lang nila ang grupo ng mga tao na tinatawag na “mga kapatid,” at hindi nila kailanman ginagawa ang tungkulin ng isang nilikha, lalong hindi sila sumusunod sa Diyos o nagpapasakop sa Kanyang mga salita—ito ay pagtatatag nila ng sarili nilang mga kaharian. Ito ang diwa ng mga anticristo, at ang diwang ito ay ang pangingibabaw sa lahat. Ngayon, ang diwa bang ito ay kinokondena o sinasang-ayunan? (Kinokondena.) At dahil kinokondena ito, dapat itakwil ang mga taong ito na kasama ninyo. Sinusunod, pinupuri, hinahangaan, at sinasamba ng ilang taong naguguluhan, mangmang, at bulag ang mga ganitong tao kapag nakikita nila ang mga ito, at gusto pa nga nilang yumukod sa mga ito—napakahangal nila! Saan ka aakayin ng mga anticristo? Kapag inaakay ka nila, para itong inaakay ka ng malaking pulang dragon, at hindi sila titigil hanggang sa maligaw ka o madala ka nila sa walang hanggang hukay. Kapag ganap ka na nilang nasira, sisipain ka nila; wala kang anumang mapapala, at magiging walang saysay ang pananampalataya mo sa Diyos. Kung bulag kayo at hindi ninyo nakikita ang tunay na kulay ng mga taong ito, at tumatalima, nagpapasakop, at sumusunod kayo sa mga taong ito, kung gayon, mga lubos kayong mangmang, at nararapat lang kayong mamatay. Kaya, ano ang dapat ninyong gawin kung makatagpo kayo ng ganitong tao? Kapag nakatagpo kayo ng isang tao sa iglesia na nagkukunwari at nagpapanggap, na nangingibabaw sa lahat kapag gumagawa ng anumang bagay, isang taong namumuhi sa katotohanan, namumuhi sa Diyos, at namumuhi sa mga panuntunan ng iglesia, dapat manindigan ang lahat na pungusan at itakwil sila. Kung kaya nilang magtrabaho sa sambahayan ng Diyos nang may maayos na pag-uugali, hayaan silang magtrabaho; pero kung hindi maayos ang pag-uugali nila at palagi nilang hinahadlangan ang bagay-bagay nang walang katwiran, kailangan ninyong ipatupad ang mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos at alisin sila.

Mayo 23, 2020

Sinundan: Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikasiyam na Bahagi)

Sumunod: Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Unang Bahagi)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito