Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ibinebenta pa nga ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikawalong Bahagi)

II. Mga Interes ng mga Anticristo

D. Ang Kanilang Kinabukasan at Kapalaran

Balikan muna natin ang napagbahaginan natin sa huling pagtitipon. (Noong nakaraan, nagbahagi ang Diyos tungkol sa ikalawang aytem ng kung paano tinatrato ng mga anticristo ang kanilang mga inaasam at kapalaran—kung paano tinatrato ng mga anticristo ang kanilang tungkulin. May tatlong uri ng saloobin ang mga anticristo sa tungkulin nila. Una, nagtutustos at gumagabay ang Diyos sa sangkatauhan, kaya ang paggawa ng tungkulin bilang isang nilikha sa harap ng Diyos ay ganap na angkop, likas, at may katwiran, at ito ang pinakamakatarungan at pinakamagandang bagay sa sangkatauhan, pero itinuturing ito ng mga anticristo bilang isang uri ng transaksiyon, at gusto nilang ipalit ang paggawa nila ng tungkulin para sa magagandang inaasam at magandang kapalaran. Pangalawa, kapag gumagawa ang Diyos, nagpapahayag Siya ng maraming katotohanan; hindi lang sa hindi itinuturing ng mga anticristo ang salita ng Diyos bilang ang katotohanan, bilang isang bagay na dapat taglayin, hangarin, tanggapin, at pasukin ng sangkatauhan upang maligtas, kundi sa kabaligtaran, itinuturing nila ang paghahangad ng mga inaasam, kapalaran, reputasyon, at katayuan bilang ang katotohanan at bilang mga bagay na dapat nilang itaguyod at tamuhin. Pangatlo, gumagawa ang Diyos para pamahalaan at iligtas ang sangkatauhan, pero sa perspektiba ng mga anticristo, isa lang itong transaksiyon at isang laro; naniniwala sila na makakamit lang ng mga tao ang mga pagpapala ng kaharian ng langit sa pamamagitan ng masigasig na paggawa at mga transaksiyon. Batay sa saloobin ng mga anticristo sa katotohanan ng paghingi ng Diyos sa mga tao na gawin ang tungkulin nila, buktot ang disposisyon nila.) Mayroon bang idadagdag? (Itinuturing ng mga anticristo ang paggawa ng tungkulin nila bilang ang tanging paraan upang hangarin ang mga pagpapala. Kapag nabigo sila sa pagnanais nilang magkamit ng mga pagpapala, maaaring agad nilang abandonahin ang tungkulin nila o iwan ang Diyos. Ito ang saloobin ng mga anticristo kapag nabigo sila sa pagnanais nilang magkamit ng mga pagpapala.) (Hindi tunay na nagsisisi ang mga anticristo. Kapag tinanggal o pinatalsik sila dahil sa kanilang mga panggagambala at panggugulo o paggawa ng masasamang gawa, at binibigyan sila ng isa pang pagkakataon ng sambahayan ng Diyos para gawin ang tungkulin nila, hindi sila mapagpasalamat. Sa halip, nagrereklamo at nanghuhusga sila, sinasabi nila, “Pinapabalik ninyo ako kapag kailangan ninyo ako, pero pinapalayas ninyo ako kapag hindi ninyo ako kailangan.” Ipinapakita nito na hindi kailanman magsisisi ang mga anticristo.) Sa madaling salita, talagang magkapareho ang mga diwa na ipinapamalas ng mga anticristo sa pagtrato nila sa tungkulin nila at sa salita ng Diyos; ipinapamalas lang nila ang magkakaparehong disposisyon at ang magkakaparehong diwa sa pagtrato nila sa magkakaibang bagay na ito. Noong nakaraan, talagang nagbahagi tayo sa lahat ng diwang ipinapamalas ng mga anticristo sa pagtrato nila sa tungkulin nila. Unang aytem, hindi sila naniniwala at tumatanggi silang kilalanin na ang salita ng Diyos ang katotohanan; pangalawang aytem, kahit makipagbahaginan ka sa kanila sa salita ng Diyos, at kaya nilang maunawaan ang katotohanan, hindi nila ito tinatanggap; pangatlong aytem, tumatanggi silang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos; pang-apat na aytem, hindi sila kailanman tunay na nagsisisi. Hindi ba’t ang mga ito ang mga diwa ng mga pagpapamalas nila? (Oo.) Ibinuod ba ninyo ang apat na aytem na ito? (Hindi.) Karamihan sa mga napag-usapan ninyo ay ilan sa mga pagpapamalas na pinagbahaginan natin noong nakaraan, pero hindi pa rin ninyo nakilatis kung anong mga diwa ang nasa likod ng mga pagpapamalas na ito. Ang mga diwang ipinapamalas ng mga anticristo sa harap ng katotohanan at sa harap ng Diyos ay palaging pagtangging kumilala, tumanggap, magpasakop, o magsisi. Dahil ganito tinatrato ng mga anticristo ang salita ng Diyos at ang tungkulin nila, paano nila tinatrato ang mapungusan? Ano pang ibang mga pagpapamalas ang naroroon na nagpapakita sa mga tao na taglay nila ang mga nabanggit na diwa, at nagkukumpirma na mga anticristo sila, mga kaaway ng Diyos, at mga kaaway ng katotohanan? Ito ang ikatlong aytem, na pagbabahaginan natin ngayon: kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mapungusan. Ang aytem na ito ang ikatlong maliit na paksa ng kung paano tinatrato ng mga anticristo ang kanilang mga inaasam at kapalaran. Kita ninyo, ang pagbabahaginan sa bawat katotohanan ay nangangailangan ng gayong partikular na pagbabahaginan at partikular na paghahanap at pagninilay-nilay. Kung nagsalita lang Ako sa pangkalahatan, hindi ninyo mauunawaan ang mga realidad ng bawat katotohanan sa mas partikular na paraan. Sige, hindi na natin babalikan ang nilalaman na pinagbahaginan natin noong nakaraan. Sa ngayon, pormal nating pagbabahaginan ang ikatlong aytem.

3. Kung Paano Tinatrato ng mga Anticristo ang Mapungusan

Ang pagkakapungos ay isang bagay na maaaring maranasan ng lahat ng nananampalataya sa Diyos. Lalo na sa panahon ng paggawa ng isang tungkulin, habang dumarami ang kanilang karanasan sa pagkakapungos, mas nagkakaroon ng kabatiran ang karamihan sa mga tao sa kahulugan ng pagkakapungos. Nararamdaman nila na napakaraming pakinabang sa pagkakapungos, at mas lalo nilang nagagawang tratuhin nang tama ang pagkakapungos. Siyempre, hangga’t kaya nilang gampanan ang isang tungkulin, at anuman ang tungkulin na kanilang ginagampanan, ang bawat tao ay magkakaroon ng pagkakataong mapungusan. Kayang tratuhin nang tama ng mga normal na tao ang pagkakapungos. Sa isang banda, kaya nilang tanggapin ang pagkakapungos nang may pusong nagpapasakop sa Diyos, at sa kabilang banda, kaya rin nilang pagnilay-nilayan at alamin ang mga problema na mayroon sila. Isang karaniwang saloobin at perspektiba ito sa kung paano tinatrato ng mga taong naghahangad sa katotohanan ang pagkakapungos. Kaya, ganito rin ba tinatrato ng mga anticristo ang pagkakapungos? Tiyak na hindi. Tiyak na naiiba ang mga saloobin ng mga anticristo at ng mga taong naghahangad sa katotohanan pagdating sa kanilang pagtrato sa pagkakapungos. Una sa lahat, pagdating sa usapin ng pagkakapungos, hindi ito kayang tanggapin ng mga anticristo. At may mga dahilan kung bakit hindi nila ito matanggap, ang pangunahing dahilan ay na kapag pinupungusan sila, pakiramdam nila ay napahiya sila, nawalan ng reputasyon, katayuan, at dignidad, na naiwan silang wala nang mukhang maihaharap sa lahat. May epekto sa puso nila ang mga bagay na ito, kaya’t nahihirapan silang tanggapin ang pagkakapungos, at pakiramdam nila, ang sinumang pumupungos sa kanila ay pinupuntirya sila at kaaway nila. Ito ang mentalidad ng mga anticristo kapag pinupungusan sila. Makakasiguro ka rito. Sa katunayan, sa pagpupungos lubusang nabubunyag kung kaya bang tanggapin ng isang tao ang katotohanan at kung tunay ba siyang makakapagpasakop. Ang matinding paglaban ng mga anticristo sa pagkakapungos ay sapat na para maipakita na tutol sila sa katotohanan at hindi nila ito tinatanggap kahit kaunti. Ito, kung gayon, ang pinakabuod ng problema. Hindi ang kanilang pride ang pinakabuod ng usapin; ang hindi pagtanggap sa katotohanan ang diwa ng problema. Kapag pinupungusan sila, hinihingi ng mga anticristo na gawin ito nang may magandang tono at ugali. Kung seryoso ang tono ng pumupungos at mabagsik ang kanyang ugali, lalaban at magiging suwail ang isang anticristo, at magagalit siya dahil sa kahihiyan. Hindi niya iniisip kung tama ba ang inilalantad sa kanya o kung katunayan ba ito, at hindi rin siya nagninilay-nilay kung saan siya nagkamali o kung dapat ba niyang tanggapin ang katotohanan. Ang iniisip lang niya ay kung nasaktan ba ang kanyang banidad at pride. Ganap na hindi kayang kilalanin ng mga anticristo na ang pagpupungos ay nakakatulong, mapagmahal, at nakapagliligtas sa mga tao, na kapaki-pakinabang ito sa mga tao. Ni hindi nila ito makita. Hindi ba’t medyo wala silang pagkilatis at katwiran? Kung gayon, kapag napupungusan, anong disposisyon ang ibinubunyag ng isang anticristo? Walang duda na disposisyon ito ng pagtutol sa katotohanan, pati na rin ng kayabangan at pagiging mapagmatigas. Ibinubunyag nito na pagtutol sa katotohanan at pagkamuhi rito ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Samakatuwid, pinakakinatatakutan ng mga anticristo ang mapungusan; sa sandaling mapungusan sila, lubusang nalalantad ang kanilang pangit na kalagayan. Kapag pinungusan ang mga anticristo, anong mga pagpapamalas ang ipinapakita nila, at anong mga bagay ang maaari nilang sabihin o gawin, na malinaw na nagpapakita sa iba na mga anticristo ang mga anticristo, na iba sila sa karaniwang tiwaling tao, at na naiiba ang kanilang kalikasang diwa sa mga naghahangad sa katotohanan? Magbibigay Ako ng ilang halimbawa, at maaari ninyong pag-isipan ang mga ito at dagdagan pa ang mga ito. Kapag pinupungusan ang mga anticristo, nagkakalkula at nag-iisip muna sila: “Anong klaseng tao ang pumupungos sa akin? Ano ang pakay niya? Paano niya ito nalaman? Bakit niya ako pinungusan? Hinahamak ba niya ako? May nasabi ba akong nakapagpasama ng loob niya? Gumaganti ba siya sa akin dahil mayroon akong magandang bagay at hindi ko ito ibinigay sa kanya, at ginagamit niya ang pagkakataong ito para i-blackmail ako?” Sa halip na magnilay-nilay at kilalanin ang kanilang sariling mga pagsalangsang, mga dating maling gawa, at ang mga tiwaling disposisyong ibinunyag nila, gusto nilang makahanap ng mga pahiwatig sa usapin ng pagkakapungos. Pakiramdam nila ay may kahina-hinala rito. Ganito nila tinatrato ang pagkakapungos. Mayroon bang tunay na pagtanggap dito? Mayroon bang tunay na kaalaman o pagninilay-nilay? (Wala.) Kapag karamihan sa mga tao ay pinupungusan, maaaring iyon ay dahil nagpakita sila ng mga tiwaling disposisyon. Maaari ding dahil may ginawa silang mali dahil sa kamangmangan at na ipinagkanulo nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Maaari ding dahil naging pabasta-basta sila sa kanilang tungkulin at nagdulot ito ng mga kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang pinakakasuklam-suklam na bagay ay na lantarang ginagawa ng mga tao ang gusto nila nang walang pagpipigil, nilalabag ang mga prinsipyo, at ginagambala at ginugulo ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ito ang mga pangunahing dahilan kaya pinupungusan ang mga tao. Anuman ang mga sitwasyong nagiging dahilan para pungusan ang isang tao, ano ang pinakamahalagang saloobing dapat taglayin ukol dito? Una, dapat mong tanggapin ito. Sinuman ang pumupungos sa iyo, anuman ang dahilan, hindi mahalaga kung malupit man ang dating nito, o anuman ang tono at pananalitang ginagamit, dapat mong tanggapin ito. Pagkatapos, dapat mong aminin ang nagawa mong mali, ang tiwaling disposisyon na ipinakita mo, at kung kumilos ka ba alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Unang-una sa lahat, ito ang saloobing dapat mong taglayin. At taglay ba ng mga anticristo ang gayong saloobin? Hindi; mula simula hanggang katapusan, ang saloobing inilalabas nila ay paglaban at pag-ayaw. Sa ganoong saloobin, kaya ba nilang maging tahimik sa harap ng Diyos at mapagpakumbabang tanggapin ang pagpupungos? Hindi, hindi nila kaya. Ano ang gagawin nila, kung gayon? Una sa lahat, pilit silang makikipagtalo at mangangatwiran, na ipinagtatanggol at ipinaliliwanag ang mga maling nagawa nila at ang tiwaling disposisyong nailantad nila, sa pag-asang makuha ang pag-unawa at pagpapatawad ng mga tao, upang hindi na nila kailangang managot o tumanggap ng mga salitang pumupungos sa kanila. Ano ang saloobing ipinapakita nila kapag nahaharap sila sa pagkakapungos? “Wala akong kasalanan. Wala akong nagawang mali. Kung nagkamali ako, may dahilan iyon; kung nagkamali ako, hindi ko iyon sinadya, hindi ako dapat managot para doon. Sino ang hindi nakagagawa ng ilang pagkakamali?” Sinasamantala nila ang mga pahayag at pariralang ito, ngunit hindi nila hinahanap ang katotohanan, ni hindi nila kinikilala ang mga pagkakamaling nagawa nila o ang mga tiwaling disposisyong naipakita nila—at talagang hindi nila inaamin ang kanilang layon at mithiin sa paggawa ng kasamaan. Gaano man kalinaw ang mga pagkakamaling nagawa nila o gaano man kalaking kawalan ang naidulot nila, nagbubulag-bulagan lang sila sa mga bagay na ito. Hindi sila nakadarama ng kahit katiting na kalungkutan o pagkakonsensiya, at hindi man lang sila inuusig ng kanilang konsensiya. Sa halip, pinangangatwiranan nila ang kanilang sarili nang buong lakas nila at nakikipagsagutan, iniisip na, “May makatarungang pananaw ang lahat. Ang bawat tao ay may kanya-kanyang mga dahilan; ang pinakamahalaga ay kung sino ang mas mahusay magsalita. Kung maipapasa ko ang pangangatwiran at paliwanag ko sa karamihan, ako ang panalo, at ang mga katotohanang sinasabi mo ay hindi mga katotohanan, at walang bisa ang mga katunayan mo. Gusto mo akong kondenahin? Hindi maaari!” Kapag ang isang anticristo ay pinupungusan, sa kaibuturan ng kanyang puso at kaluluwa, ganap at matigas siyang lumalaban at umaayaw, at tinatanggihan niya iyon. Ang kanyang saloobin ay, “Anuman ang sasabihin mo, gaano ka man katama, hindi ko tatanggapin iyon, at hindi ko aaminin iyon. Hindi ako ang may kasalanan.” Paano man inilalantad ng mga katunayan ang kanilang tiwaling disposisyon, hindi nila iyon kinikilala o tinatanggap, kundi patuloy sila sa kanilang pagsuway at paglaban. Anuman ang sabihin ng iba, hindi nila tinatanggap o kinikilala iyon, kundi iniisip nila na, “Tingnan natin kung sino ang mas magaling magsalita; tingnan natin kung sino ang mas mahusay na tagapagsalita.” Ito ay isang uri ng saloobin ng pagtrato ng mga anticristo sa pagkakapungos.

Kung matatanggap ba ng isang tao ang katotohanan o hindi ay nabubunyag kapag napupungusan siya. Napakalinaw magsalita ng mga anticristo tungkol sa mga salita at doktrina, pero kapag pinupungusan sila, patuloy silang sumusuway, nakikipagtalo, at lumalaban, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Hindi nila maisagawa ang alinman sa mga salita at doktrinang madalas nilang nililitanya. Bakit ganito? Ang dahilan ay na sa diwa, tutol ang mga anticristo sa katotohanan. Sobrang malupit at mayabang ang disposisyon ng mga anticristo. Ang saloobin nila sa harap ng katotohanan at mga katunayan ay palaging pagmamatigas, paglaban, at pagkayamot. Kapag pinupungusan sila, bukod pa sa pangangatwiran at pagpapaliwanag sa sarili nila para mapanatili ang reputasyon nila, napakalakas ng paninindigan ng mga anticristo: “Naniniwala ako sa diyos, hindi sa isang tao. Ang diyos ay matuwid, at gaano man ako pungusan ng taong iyon, hindi niya kayang pagpasyahan ang kapalaran ko. Hindi ko tinatanggap ang katotohanan, pero ano ba ang magagawa niya?” Sa puso nila, matigas ang paninindigan nila, “Gaano man katama o kaayon sa katotohanan ang mga sinasabi ng taong iyon dito sa lupa, hindi pa rin katotohanan ang mga iyon, tanging ang mga direktang pagbigkas mula sa diyos sa langit ang katotohanan; kahit gaano pa husgahan at kastiguhin ng taong iyon sa lupa ang mga tao, at pungusan sila, hindi siya matuwid, tanging ang diyos sa langit ang matuwid.” Ano ang lihim nilang ipinahihiwatig? “Gaano man katama o kaayon sa katotohanan ang mga sinasabi ng diyos sa lupa, hindi pa rin iyon ang katotohanan. Tanging ang diyos sa langit ang katotohanan, ang diyos sa langit ang pinakadakila. Bagamat nakakapagpahayag din ng katotohanan ang diyos sa lupa, hindi siya makakapantay sa diyos sa langit.” Hindi ba’t ito ang ibig nilang sabihin? (Oo.) “Ang diyos sa langit ang sinasampalatayanan ko, hindi ang diyos sa lupa. Gaano man katama o kaayon sa katotohanan ang sinasabi mo, ikaw na ordinaryong tao, hindi ka pa rin diyos sa langit. Ang diyos sa langit ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Itinatakda ng diyos sa langit ang kapalaran ko. Hindi maitatakda ng diyos sa lupa ang kapalaran ko. Kahit gaano pa katugma sa katotohanan ang sinasabi ng diyos sa lupa, hindi ko tatanggapin ang mga ito. Tanging sa Diyos sa langit ako tumatanggap at nagpapasakop. Paano man ako tratuhin ng diyos sa langit, magpapasakop ako rito.” Ang mga salitang ito ay pawang mga salitang ibinubunyag ng mga anticristo kapag pinupungusan sila. Pawang mga salita ito na nanggagaling sa puso nila. Ang mga taos-pusong salitang ito ay ganap na kumakatawan sa disposisyon nila at nagbubunyag sa kalikasang diwa nila na tutol at namumuhi sa katotohanan. Kapag ibinubunyag ng mga anticristo ang mga salitang ito, ganap na nalalantad ang tunay nilang Mukha. Maaaring sabihin na sinumang magsabi ng mga ganitong salita ay isang tunay na anticristo, at isang tunay na diyablo at Satanas. May ilang anticristo na nagpapakita ng hindi sumusukong saloobin na hindi mapagpakumbaba o malabis kapag pinupungusan sila. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan o ang pagtutuwid, at hindi rin nila tunay na nakikilala ang kanilang sarili. Sa halip, bumabalik sila sa matibay nilang paniniwala at ginagamit ito para ipagtanggol ang kanilang reputasyon, katayuan, at pagpapahalaga sa presensiya, ganap na inilalantad ang kanilang hindi mananampalatayang diwa. Ginagamit nila ang mga salitang, “Nananampalataya ako sa diyos, hindi sa isang tao, at matuwid ang diyos” para pabulaanan at talunin ang lahat, at para itatwa ang katotohanan at itatwa ang Diyos sa lupa. Kasabay nito, ginagamit nila ang mga salitang ito para ikubli at iwasan ang pananagutan nila sa sarili nilang mga kasalanan, at para ikubli ang mga tiwaling disposisyon nila at ang kalikasang diwa nila. Ginagamit ng mga anticristo ang paninindigan nila at mga teorya para ikubli ang sarili nilang masasamang gawa, at ginagamit din nila ang mga ito para aluin at protektahan ang sarili nila. Paano nila inaalo ang sarili nila? Iniisip nila, “Ayos lang, hindi mahalaga ang sinasabi ng taong ito sa lupa. Gaano man katama ang mga sinasabi niya, hindi ko tatanggapin ang mga ito. Hangga’t hindi ko tinatanggap ang mga ito, ang mga sinasabi niya ay hindi mga katunayan at hindi naaayon sa katotohanan. Kaya, hindi ko kailangang managot sa anumang pagkakamali, maling gawa, o pagsalangsang na ginagawa ko, pwede kong gawin ang gusto ko, maglakad-lakad nang nakataas-noo, at gawin ang mga bagay-bagay sa sarili kong paraan, gaya ng dati.” Kaya, patuloy na tinatahak ng mga anticristo ang landas nila sa ganitong paraan nang walang anumang pag-aalinlangan at nang wala pa ring anumang pakiramdam ng kahihiyan, patuloy silang kumakapit sa pagnanais at intensiyon nilang magkamit ng mga pagpapala hanggang sa pinakahuli. Ito ang tunay na mukha ng mga anticristo.

Kapag pinupungusan ang mga anticristo, nabubunyag sila. Ito ang oras kung kailan pinakamalamang na malalantad ang kanilang kalikasang diwa. Una: Kaya ba nilang ipagtapat ang masasama nilang gawa? Pangalawa: Kaya ba nilang pagnilayan at kilalanin ang kanilang sarili? At pangatlo: Kaya ba nilang tanggapin ito mula sa Diyos kapag pinupungusan sila? Sa tatlong sukatang ito, makikita ng isang tao ang kalikasan at diwa ng isang anticristo. Kung kayang magpasakop ng isang tao kapag pinupungusan siya, at kaya niyang pagnilayan ang kanyang sarili, at sa gayon ay makilala niya ang sarili niyang mga pagpapakita ng katiwalian at tiwaling diwa, iyon ay isang taong kayang tumanggap ng katotohanan. Hindi siya isang anticristo. Ang tatlong sukatang ito ang mismong wala sa isang anticristo. Sa halip, ibang bagay ang ginagawa ng isang anticristo, isang bagay na hindi inaasahan ninuman—iyon ay, kapag siya ay pinupungusan, bilang ganti ay nagpaparatang siya nang walang batayan. Sa halip na ipagtapat ang ginawa niyang mali at aminin ang kanyang tiwaling disposisyon, kinokondena niya ang taong pumupungos sa kanya. Paano niya ginagawa iyon? Sinasabi niya, “Hindi naman laging tama ang lahat ng pagpupungos. Ang pagpupungos ay tungkol lahat sa pagkondena ng tao, sa paghusga ng tao; hindi iyon ginagawa para sa diyos. Ang Diyos lamang ang matuwid. Sinumang hahatol sa iba ay hahatulan.” Hindi ba’t isa itong ganting paratang na walang batayan? Anong klaseng tao ang gagawa ng gayong mga ganting paratang na walang batayan? Isang walang katuturang nakakainis na tao na hindi tinatablan ng katwiran ang tanging gagawa niyan, at isang tao lamang na kauri ng mga diyablo at ni Satanas ang gagawa niyan. Hindi gagawin ng isang taong may konsensiya at katwiran ang gayong bagay. Kaya, tiyak na masasamang tao iyong mga gumagawa ng mga walang batayang ganting-paratang kapag pinupungusan sila. Mga diyablo silang lahat. Kapag gumagawa ng mga walang batayang ganting-paratang ang mga anticristo, ano ang madalas nilang sinasabi? “Nananampalataya ako sa diyos, at matuwid ang diyos! Nagpapasakop ako sa diyos, hindi sa isang tao! Hindi lahat ng pagpupungos ay tama. Kung pupungusan ako ng diyos, tatanggapin ko ito, pero kung mga tao ang magpupungos sa akin, hindi ko ito tatanggapin!” Ang unang sasabihin ng mga anticristo ay, “Ang diyos ay matuwid!” Maririnig mo sa tono nila na may kalakip itong mapaminsalang mentalidad. Ang pangalawang sinasabi nila ay, “Nagpapasakop ako sa diyos, hindi sa isang tao!” Narinig na ba ninyo ang dalawang pahayag na ito? (Oo.) Nasabi mo na ba ang mga ito? (Hindi.) Karamihan sa mga tao ay hindi nangangahas na sabihin ang dalawang pahayag na ito. Kapag may nangyayari sa kanila na pinaniniwalaan nilang positibo at nararapat tanggapin, saka nila sinasabing: “Talagang matuwid ang Diyos, tama lang na mapungusan at madisiplina ako.” Tinatanggap nila ito nang positibo, at hinding-hindi nila ginagamit ang mga salitang ito para ipagtanggol ang sarili nilang mga interes o pangatwiranan at ipaliwanag ang kanilang sarili. Tunay nilang tinatanggap at kinikilala ang mga salitang ito at katunayang ito mula sa kaibuturan ng puso nila. Iba ang saloobin ng mga anticristo. Sa konteksto ng pagkakapungos, maaaring gamitin nila ang ganitong tono o intensiyon para sabihin, “Nananampalataya ako sa diyos, at ang diyos ay matuwid! Nagpapasakop ako sa diyos, hindi sa isang tao!” Ano ang ibig sabihin nito? Sila ba ay mga taong tumatanggap sa katotohanan? Tiyak na hindi. Itinatanggi nila na ang pagkakapungos ay nagmumula sa Diyos at sinasang-ayunan ng Diyos. Ang kawalan nila ng kakayahang tanggapin ito mula sa Diyos ay lubos na nagpapatunay na hindi nila kinikilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay at hindi nila pinaniniwalaan na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Paano nila kikilalanin na matuwid ang Diyos, kung gayon? Malinaw na ginagamit nila ang mga salitang ito, na tila tama kung pakikinggan, para kondenahin ang iba, para kondenahin ang mga hindi pabor sa kanila, na pumupungos sa kanila, at naglalantad ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Hindi ba’t mga kilos ito ng masasamang tao? Masasamang tao ang mga ito. Maaaring gumagamit ang masasamang tao ng mga tamang salita para labanan ang Diyos at kontrahin ang katotohanan sa mga kritikal na sandali, at gumagamit ng mga tamang salita para protektahan ang sarili nilang mga interes, ang imahe nila, at sarili nilang mukha at reputasyon. Hindi ba’t wala itong kahihiyan? “Ang masamang tao ay nagmamatigas ng kaniyang mukha” (Kawikaan 21:29), at ang pangungusap na ito ay napapatunayan sa masasamang tao at mga anticristo. Ganitong uri ng mga tao ang mga anticristo.

Isa pang bagay na sinasabi ng mga anticristo ay: “Nananampalataya ako sa diyos, hindi sa isang tao!” Mukha bang mali ang pangungusap na ito kung pakikinggan? (Hindi.) Siyempre, tama ang manampalataya sa Diyos—hindi maaaring manampalataya sa isang tao. Ang mga salitang ito ay napakadisente at tama, walang mali sa mga ito. Sa kasamaang-palad, nagbabago ang kahulugan ng pangungusap na ito kapag nanggagaling ito sa bibig ng isang anticristo. Ano ang ipinapakita ng pagbabagong ito ng kahulugan? Ipinapakita nito na ginagamit ng mga anticristo ang mga tamang salita para ilayo ang sarili nila sa problema at ipaliwanag ang sarili nila. Ano ang intensiyon nila sa pagsasabi ng mga salitang ito? Ano ang dahilan nila sa pagsasabi ng mga salitang ito? Anong mga aspekto ng diwa nila ang pinatutunayan nito? (Ang hindi pagtanggap sa katotohanan, pagkamuhi sa katotohanan.) Tama, hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Kung gayon, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, pero hayagan ba nilang sasabihin, “Hindi ko ito tinatanggap; kahit na tama ang sinabi mo, hindi ko ito tinatanggap”? Kung sasabihin nila ito, makikilatis sila ng mga tao, at tatanggihan sila ng lahat, at hindi nila mapapanatili ang kanilang posisyon, kaya, hindi nila pwedeng sabihin ito. Malinaw nilang nauunawaan ang mga bagay na ito sa puso nila. Dito matatagpuan ang pagiging mapanlinlang at buktot ng mga anticristo. Iniisip nila, “Kung hayagan akong kokontra sa iyo, hayagang magpoprotesta at sasalungat sa iyo, sasabihin mo na hindi ko tinatanggap ang katotohanan. Hindi ko ipapakita sa iyo na hindi ko tinatanggap ang katotohanan. Gagamit ako ng ibang paraan para lutasin ang bagay na ito at protektahan ang sarili ko.” Kaya, sinasabi nila: “Nananampalataya ako sa diyos, hindi sa isang tao.” Nananampalataya man sila sa Diyos o sa isang tao, ang hinihimay natin dito ay kung tinatanggap ba ng mga anticristo ang katotohanan. Hindi ba’t napaghahalo-halo nila ang mga konsepto sa pagsasabi nito? Pinaghahalo-halo nila ang mga konsepto at sinusubukang linlangin ang mga tao. Para hindi makita ng mga tao na hindi nila tinatanggap ang katotohanan, sinasabi nilang kinikilala nila ang Diyos at kinikilala nila ang katotohanan, na nananampalataya sila sa Diyos at nananampalataya silang ang Diyos ang katotohanan, at na dahil ang Diyos ang katotohanan, hindi pwedeng maging tao ang Diyos, at na kung magiging tao Siya, wala Siyang katotohanan, at na ang taong iyon ay hindi ang Diyos. Batay rito, hindi ba’t nabunyag na sila bilang mga anticristo? Sadyang hindi nila kinikilala na ang Diyos ay maaaring maging si Cristo at maging isang ordinaryong tao. Iniisip nila na tanging ang Diyos sa langit, ang Diyos lang na iyon na hindi nakikita at hindi nahahawakan, at maaaring basta-bastang maisip at gamitin ng tao, ang Diyos. May mga pagkakatulad ba ang pananaw na ito sa pananaw ni Pablo? (Mayroon.) Ano ang saloobin ni Pablo kay Cristo sa lupa? Kinilala ba niya si Cristo? Tinatanggap ba niya si Cristo? (Hindi.) Sinabi ni Pablo: “Si cristo ay anak ng buhay na diyos, at mga anak din tayo ng buhay na diyos. Nangangahulugan ito na tayong lahat ay mga kapatid ni cristo, at pagdating sa seniority, pantay-pantay tayong lahat. Ang diyos na sinasampalatayanan natin ay nasa langit. Walang diyos sa lupa. Kaya huwag magkamali ng pag-unawa, ang taong ito sa lupa ay si cristo, siya ay anak ng diyos. Hindi siya kapareho ng diyos. Hindi siya pwedeng kumatawan sa diyos sa langit, hindi siya maaring ituring ng tao bilang ang katotohanan, at hindi kailangang sumunod ng tao sa kanya.” Ano ang mahihimay natin mula sa mga salitang “Nananampalataya ako sa diyos, hindi sa isang tao” na sinasabi ng mga anticristo? Kagaya ni Pablo, kinikilala lamang nila ang malabong Diyos sa langit, at hindi kinikilala na si Cristo ay Diyos. Sa madaling salita, hindi nila kinikilala ang katunayan na nagkatawang-tao ang Diyos at naging isang ordinaryong tao—sa aspektong ito, ang mga anticristo ay katulad mismo ni Pablo. Ang ibig nilang sabihin ay: “Kung nananampalataya ka sa diyos, manampalataya ka sa diyos, hindi sa isang tao. Walang silbi na manampalataya sa kung sinong tao, hindi ka makakakuha ng mga pagpapala mula sa pananampalataya sa kung sinong tao. Para manampalataya sa Diyos, dapat kang manampalataya sa diyos sa langit, sa hindi nakikitang diyos. Ang diyos sa langit ay napakadakila at makapangyarihan sa lahat, ano ang kayang gawin ng diyos sa lupa? Kaya lamang niyang magpahayag ng ilang katotohanan at magsalita ng ilang tamang salita.” Kung hihimayin at huhusgahan natin ang diwa nila batay sa mga salitang ito, nilalabanan nila si Cristo, hindi nila kinikilala si Cristo, at itinatanggi nila ang katunayan na nagkatawang-tao ang Diyos. Sila ay lubusang mga anticristo.

Kapag pinupungusan ang mga anticristo, o kapag nahaharap sila sa mga dagok, at kapag may naglalantad sa kanila, ginagamit nila ang pariralang “Ang diyos ay matuwid” para ipagtanggol ang sarili nila, para tanggihan ang paglalantad ng ibang tao sa kanila at tanggihan ang pagpupungos nito sa kanila. Anumang mangyari, kapag pinupungusan sila, ang pangunahing saloobin nila ay pagsuway, paglaban, at hindi pagtanggap, ginagawa ang pinakamakakaya nila para ipaliwanag at ipagtanggol ang sarili nila. Sinasabi pa nga ng ilan na, “Darating ang panahon na mabubunyag ang lahat. Ang diyos ay matuwid. Hayaan ang diyos na ibunyag ito sa akin balang araw!” Bilang mga tiwaling tao, gaano man kalaki ang mga kawalang naidudulot nila sa gawain ng sambahayan ng Diyos habang ginagawa ang tungkulin nila, wala silang pakialam dito o hindi nila ito binibigyang-pansin. Kung malalantad ang katunayang ito, hindi pa rin nila kikilalanin na sila ang dahilan ng mga kawalang ito at hindi sila handang managot. Sa huli, nais pa rin nila na ang Diyos ang magbunyag nito para sa kanila, na para bang naroroon ang Diyos para paglingkuran sila, at dapat silang ipagtanggol ng Diyos kapag nagkakamali sila, na para bang ganoong uri Siya ng Diyos. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan, hindi nila kayang tanggapin ang mapungusan, at hindi nila kayang kilalanin ang sarili nila, pero hind lang iyon—hinihiling pa nga nila sa Diyos na magbigay ng mga paliwanag at katwiran para sa kanila. Hindi ba’t kahiya-hiya ito? Sobrang kahiya-hiya ito! Ang mga anticristo ay pawang lubos na walang kahihiyan, at ubod ng kabuktutan. Isang aspekto ito. Ano ang dalawang pahayag na madalas sinasabi ng mga anticristo kapag pinupungusan sila? (“Nananampalataya ako sa diyos, hindi sa isang tao!” “Ang diyos ay matuwid!”) Ang mga ito ang dalawang pahayag na nakagawian nilang gamitin. Hindi sila makapagbigkas ng iba pang uri ng maling pangangatwiran, at hindi sila naglalakas-loob na gawin iyon. Gumagamit sila ng dalawang tamang pahayag para ilihis ang mga tao, para di-makatwirang makipagtalo para sa sarili nila, sinusubukang gawing tama ang mali, gawing makatarungan ang buktot, at bigyang-katwiran ang mga pagkakamali at kawalang naidulot nila. Gusto nilang gamitin ang dalawang pahayag na ito para burahin ang lahat ng bagay na ito sa isang iglap, ganap na burahin ang mga ito, at magpanggap na hindi umiiral ang mga ito, at patuloy silang nananampalataya tulad ng dati. May pagsisisi ba sa ganitong pagpapamalas ng mga anticristo? (Wala.) Bukod sa hindi sila nagsisisi, nagpapamalas din sila ng isa pang aspekto ng mga anticristo—pagtutol sa katotohanan, kayabangan, kabuktutan, at kalupitan. Ang kayabangan nila ay naipapamalas sa katunayan na kinamumuhian nila ang sinumang nagpupungos sa kanila, iniisip nila, “Isa ka lang tao, hindi ako natatakot sa iyo!” Hindi ba’t kayabangan ito? (Oo.) Paano naman naipapamalas ang kabuktutan nila? (Paggawa ng mga walang batayang ganting-paratang.) Ang paggawa ng mga walang batayang ganting-paratang ay isang aspekto, at ang isa pang aspekto ay ang paggamit ng mga tamang salita para ipaliwanag, pangatwiranan, at ipagtanggol ang sarili nila. Ano pang ibang disposisyon ang nakapaloob dito? Ang paggawa ng mga walang batayang ganting-paratang ay malupit din. Hindi kinikilala ng mga anticristo na ang salita ng Diyos ang katotohanan. Kung may isang taong naglalantad sa diwa nilang ito, hindi pa rin nila tinatanggap ang katunayan na hindi nila kinikilala ang katotohanan. Hindi nila pinagninilayan at sinusubukang kilalanin ang sarili nila; sa halip, gumagawa sila ng mga walang batayang ganting-paratang, at gumagamit sila ng magagandang-pakinggan na salita para kondenahin ang iba. Ang mga pamamaraan at kasabihang ginagamit nila para kondenahin ang iba ay parehong mapanira at buktot. Alam nila kung aling mga salita ang gagamitin para kondenahin at patahimikin ang iba, para hindi malaman ng ibang tao kung ano ang sunod na sasabihin at para walang magawa ang mga ito laban sa kanila. Ito ay kabuktutan. Ang pamamaraan at pagsasagawa nilang ito ay isang lubusang malupit na disposisyon. Ang mga ito ang ilang disposisyon ng mga anticristo na pwede nating mahimay mula sa usapin ng pagkakapungos sa mga anticristo. Hindi ba’t tumutugma ang mga disposisyon at pagbubunyag na ito ng mga anticristo sa apat na aytem na tinalakay natin dati? (Oo.) Ano ang apat na aytem na iyon? (Ang unang aytem ay ang hindi pananampalataya at pagtangging kilalanin na ang salita ng Diyos ang katotohanan; ang pangalawang aytem ay na kahit makipagbahaginan ka sa kanila sa salita ng Diyos, at kaya nilang maunawaan ang katotohanan, hindi nila ito tinatanggap; ang pangatlong aytem ay ang pagtangging magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos; ang pang-apat na aytem ay ang hindi pagsisisi kailanman.) Hindi pananampalataya, hindi pagtanggap, hindi pagpapasakop, at hindi pagsisisi, ang “apat na hindi” na ito ay kumakatawan sa diwa ng mga anticristo. Hindi kailanman tatanggapin ng mga anticristo ang katotohanan, at hindi sila kailanman yuyukod sa harap ng mga katunayan. Ito ay mapagmatigas na kawalan ng pagsisisi at isa itong bagay na lumalabas mula sa kalikasan ng mga anticristo. Ito ang unang pagpapamalas ng kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mapungusan. Bagamat pareho ang disposisyong diwa ng mga anticristo, tiyak na hindi eksaktong pareho ang mga sikat na kasabihan at magagandang salawikain na nagmumula sa bibig nila. Minsan, maaaring iba-iba ang sinasabi ng mga anticristo, subalit, anumang uri ng pananalita ang lumalabas mula sa bibig nila, ang mga katangian at diwa ng mga ito ay pareho pa rin—ang diwa ng mga salita nila ay hindi pagtanggap sa katotohanan. Kung hindi nila tinatanggap ang katotohanan, ano ang mga salita nilang ito? Ang mga ito ba ay salitang naaayon sa katotohanan? Mga salita ba ito ng tao o mga salitang naaayon sa etika? Mga salita ba itong naaayon sa konsensiya at katwiran? (Mga maladiyablong salita ang mga ito.) Tama. Hindi tumpak na tukuyin ang mga ito na mga walang kabuluhan o magulong salita, pero nakakapagpaliwanag sa isyu ang pagsabing maladiyablong salita ang mga ito.

Kapag pinupungusan ang mga anticristo, kapag pinupuna at inilalantad sila ng mga kapatid, ano pang ibang salita ang sinasabi nila? Ang ilang anticristo ay nagkakamali o nagsasabi ng mga maladiyablong salita para ilihis ang mga tao. Kapag nakikita ito ng mga kapatid, pinupuna at pinupungusan nila ang mga anticristo, inilalantad nila ang mga anticristo bilang tuso at mapanlinlang. Bagamat sa panlabas ay hindi masuwayin ang mga anticristo, sa loob-loob nila ay lumalaban sila, na parang nagsasabing, “Ano ba ang alam mo? Kasingdami ba ng kaalaman ko ang nalalaman mo? Kasingtagal na ba kitang nananampalataya sa diyos? Ilang taon ka na bang nananampalataya sa diyos? Hindi ko ibaba ang sarili ko sa antas mo!” Kapag pinupungusan sila ng mga lider at manggagawa, maaaring maging tuso ang saloobin nila, nakikipagplastikan sa panlabas at nagsasabi ng magagandang salita, pero lihim silang hindi nasisiyahan at sumusuway sila, naghahanap ng pagkakataon para gumanti. Kung isang ordinaryong kapatid ang pumupungos sa kanila, hindi gaanong maganda ang asal ng mga anticristo—magagalit sila at lubhang mayayamot, at gumaganti sila at umaatake. Kapag gumaganti at umaatake sila, madalas nilang sinasabi ang ganito: “Masyado ka pang walang muwang para pungusan ako! Kung hindi ako nananampalataya sa diyos, wala akong katatakutan!” May mali ba sa mga salitang ito? Ganitong uri ng mga salita ang karaniwang sinasabi ng mga walang pananampalataya at ng mga taong may lubhang mababang moralidad. Paano ito naririnig sa iglesia? Ang mga taong nakakapagsalita nang ganito ay kakaibang grupo, at may kakaibang ugali ang kakaibang grupong ito. Ano ang kakaiba sa ugali nila? Madalas na isinasaalang-alang ng mga gayong tao ang senyoridad sa loob ng iglesia. Ang tingin nila sa lahat ay mas mababa sa kanila, ayaw nila sa lahat, at nais nilang sermunan, parusahan, at manipulahin ang lahat. Iniisip nila na bagamat nananampalataya sa Diyos ang iba, walang kuwalipikadong maging kapareha nila. Hindi kataka-taka na nasasabi nila ang mga ganitong aroganteng salita kapag tinatrato sila ng mga tao bilang kapatid at nakikipag-usap sa kanila nang taos-puso, inilalantad ang mga tiwaling disposisyon nila, at pinupungusan ang mga salita at kilos na ipinakita nila na hindi naaayon sa katotohanan. Itinuturing nila ang sambahayan ng Diyos bilang lipunan at sarili nilang teritoryo, at itinuturing ang mga kapatid sa iglesia na mas mababa kaysa sa kanila. Iniisip nila na kaunti lang ang kaalaman ng mga kapatid at na mababaw lang ang pagkaunawa ng mga ito sa mga usapin ng lipunan, na nasa ilalim ng lipunan ang mga ito, na dapat hamakin, paglaruan, at yurakan ng iba ang mga ito. Iniisip nila na madaling apihin at paglaruan ang mga kapatid, at hindi sila magiging ganoong uri ng tao. Kaya, iniisip nila na inaapi, minamaliit, at ibinubukod sila ng sinumang pumupungos at naglalantad sa kanila. Naging mapagbantay na sila laban dito sa puso nila, “Huwag mong isipin na puwede mo akong parusahan at api-apihin! Wala ka pang muwang!” Hindi ba’t isa itong bagay na sasabihin ng isang taong may “magiting na diwa”? Sa kasamaang-palad, hindi katotohanan ang mga salitang ito. Gaano man kalakas ang loob mo o gaano man kataas ang moral mong integridad, hindi ka sasang-ayunan ng Diyos. Kinasusuklaman ng Diyos ang mga gayong disposisyon at ang mga taong nagsasabi ng mga ganitong salita. Kinokondena at itinataboy ng Diyos ang mga taong nagsasabi ng mga ganitong bagay sa harap ng Diyos. Hindi kailanman maliligtas ng Diyos ang mga taong kumakapit sa mga salitang ito na parang ang mga ito ang katotohanan. Kaya, tingnan natin itong muli, ano ba ang mali sa mga salitang ito? Pantay-pantay ang lahat sa harap ng katotohanan, at walang pagkakaiba ng edad o pagiging mababa at marangal sa mga gumagawa ng tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos. Pantay-pantay ang lahat sa tungkulin nila, iba-iba lang ang gawain nila. Walang silang pagkakaiba batay sa kung sino ang may senyoridad. Sa harap ng katotohanan, dapat magtaglay ang lahat ng mapagpakumbaba, mapagpasakop, at tumatanggap na puso. Dapat taglayin ng mga tao ang ganitong katwiran at saloobin. Kaya, hindi ba’t ang mga taong nagsasabi ng “Masyado ka pang walang muwang para pungusan ako!” ay puno ng impluwensiya, ideolohiya, at kabulukan ng lipunan? Itinuturing nila ang sambahayan ng Diyos bilang lipunan, ang mga kapatid ng sambahayan ng Diyos bilang isang bulnerableng grupo sa mababang antas ng lipunan, at itinuturing nila ang sarili nila bilang amo ng lahat, isang taong hindi puwedeng kantihin o hamunin ng sinuman, at sinisigurado nila na hindi magiging maganda ang katapusan ng mga naglalantad at pumupungos sa kanila. Iniisip nila na kapareho ng lipunan ang sambahayan ng Diyos, na makakapanindigan ang sinumang hindi sumusuko at mapanupil, na walang sinumang mangangahas na kumanti sa mga walang awa, mabagsik, at masama, at naniniwala sila na pawang hindi mahusay at walang kakayahan ang mga taong tumatanggap ng pagpupungos. Iniisip nila na walang mangangahas na kumanti sa mga taong may abilidad, na walang mangangahas na maglantad sa mga taong iyon kahit pa magkamali ang mga ito, at singtigas ng bakal ang mga taong ito! Iniisip ng mga anticristo na sa kahit anong grupo man sila nabibilang, kailangan nilang maging sapat na makapangyarihan, walang awa at masama para hindi sila apihin o utus-utusan na lang ng iba. Iniisip nila na abilidad at kagalingan ito, at gusto nilang gamitin ang abilidad na ito para magkamit ng katayuan, kasikatan, at pakinabang, at makakuha ng magandang hantungan sa huli. Anong disposisyon ito? Kapwa malupit at buktot ito. Gaano man karaming sermon ang naririnig ng mga anticristo, hindi nila maunawaan ang katotohanan. Hindi nila makita na naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos. Hindi nila makita ang mga pagbabagong nangyayari sa mga taong tumatanggap sa katotohanan, at kahit pa makita nila ang mga ito, hindi nila kinikilala na mga pagbabago ang mga ito. Iniisip nila na pawang resulta ng pagpapanggap at pagpipigil sa sarili ang mga pagbabagong iyon, at hindi nila pipigilan ang sarili nila at tatanggapin na lang ang mga bagay-bagay para lang doon. Dahil may ganito silang lohika, kaya nilang sabihin ang mga bagay tulad ng: “Huwag mong isipin na puwede mo akong parusahan at api-apihin!” Hindi ba’t ito ang kabuktutan ng mga anticristo? Buktot ang mga gayong kaisipan at pananaw. Isang pagbubunyag ng kanilang tiwaling disposisyon na nagagawa nilang magsabi ng mga salitang ito at kumilos nang ganito. Mayroon bang mga gayong tao sa iglesia? Kapag nakikipag-usap sa kanila ang mga kapatid nang taos-puso, inilalantad sila, pinag-uusapan ang mga problema, pagkukulang, at pagbubunyag nila ng katiwalian, iniisip nila na inaapi at ipinapahiya sila at na hindi sila sineseryoso. Sinasabi nila, “Masyado ka pang walang muwang para pungusan ako!” Kahit sino pa ang nakikita nilang tumatanggap ng pagpupungos, palagi nilang iniisip: “Makakamit mo ba ang katotohanan sa pamamagitan ng pagtanggap sa pagpupungos? Imposible iyon!” Hindi nila ito kinikilala. Iniisip nila na ang pagpupungos sa mga tao ay pang-aapi sa mga tao at paghahanap ng dahilan para parusahan ang mga ito, at na naaapi ang mga tao kapag nagkakaroon ang mga ito ng kaunting pagkakamali dahil masyadong taos-puso ang mga ito. Hindi nila kinikilala na pagmamahal at pagtulong sa mga tao ang pagpupungos sa mga ito. Hindi nila kinikilala na tunay lamang na makakapagsisi at magbabago ang mga tao kapag tinanggap ng mga ito ang pagpupungos, at lalong hindi nila kinikilala ang katunayan na naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos. Kaya, madalas sinasabi ng mga anticristo sa sarili nila: “Sa sinumang pumupungos sa akin, hinding-hindi ko ito palalampasin. Hinding-hindi ako papayag na apihin ako ng kahit sino!” Anong klaseng mga tao ang nakakapagsabi ng mga gayong salita? Tanging ang mga hindi tumatanggap at namumuhi sa katotohanan ang nakakapagsabi ng mga gayong salita. Ang sinumang tao na may ganitong klaseng malupit na disposisyon, at nakakapagsabi ng mga gayong salita, ay may kalikasang diwa ng mga anticristo, at siya ay kauri ni Satanas.

Kapag pinupungusan, sinasabi rin ng mga anticristo ang isa pang parirala: “Kung hindi ako nananampalataya sa diyos, wala akong pakialam sa kahit na kanino!” Ano ang ibig sabihin ng pariralang ito? Isa itong pangkaraniwang pahayag ng isang partikular na uri ng anticristo. Dahil sinabi niya ito, himayin natin ito. Dahil nasasabi niya ang mga salitang ito, tiyak na may partikular na kahulugan ang mga ito. Sa panlabas, tila sinasabi ng mga salitang ito na mula nang magsimulang manampalataya sa Diyos ang mga taong ito, malaki ang naging pagbabago sa kanila. Parang may pakiramdam ng pasasalamat sa mga salitang ito, tulad ng: “Binago ako ng diyos, nilupig ako ng diyos. Kung hindi ako binago ng diyos, magiging sobrang mayabang akong tao.” Sa panlabas, parang may partikular na kaisipan ng pasasalamat ang mga salitang ito, pero kung hihimayin mula sa ibang perspektiba, may malaking problema sa mga salitang ito. Sinasabi ng mga anticristo na bago sila manampalataya sa Diyos, wala silang pakialam sa kahit na kanino. Ano ang disposisyon ng mga taong ito? (Mayabang at malupit.) Sila ay sobrang mayabang at malupit na tao, at kung hindi sila nanampalataya sa Diyos, magiging lubhang masamang tao sila. Ang pagiging walang pakialam sa kahit na kanino ay nangangahulugan ng kawalan ng pagpapahalaga sa sinuman, ibig sabihin, niyuyurakan nila ang lahat ng tao, at na gaano man kagaling o kabuti ang ibang tao, walang kuwenta ang mga ito sa paningin nila. Hindi sila sumusuko sa kahit na sino, hinahamak nila ang lahat, at wala silang pinaglilingkuran. Kung hihilingin sa kanila na magserbisyo sa isang tao, masasaktan ang dignidad nila. Kung may sinumang karapat-dapat sa pagseserbisyo nila, ito ay ang Diyos lamang sa langit. Ngayong nananampalataya sila sa Diyos, pinigilan na nila ang ganitong pagpapamalas at pagpapakita ng kawalan ng pakialam sa kahit na sino, at pagdating nila sa sambahayan ng Diyos, napilitan silang magpakumbaba para makipagtulungan sa ibang kasama nila sa grupo, inaasikaso ang mga bagay-bagay at nakikisalamuha sa iba gaya ng mga normal na tao. Pero kapag inaasikaso nila ang mga bagay-bagay o nakikisalamuha sila sa iba, hindi maiiwasan na may mga bagay na hindi umaayon sa gusto nila, kaya, muling umuusbong ang gayong disposisyon nila, kaya nasasabi nila ang mga salitang ito. Noong una, sa mundo sa labas, noong hindi pa sila nanampalataya sa Diyos, hindi sila sumusuko sa kahit sino at iniisip nila na walang sinuman ang karapat-dapat na makisalamuha sa kanila. Kaya, mula nang magsimula silang manampalataya sa Diyos, sumuko na ba sila sa kahit sinong kapatid sa sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Saan mang grupo siya nabibilang, aasal ba nang ganito ang isang taong may normal na pagkatao at normal na pagkamakatwiran? (Hindi.) Kahit ang mga walang pananampalataya ay nagsasabing, “Alinman sa tatlong taong magkakasamang naglalakad, kahit papaano ay mayroong isa na maaaring maging aking guro.” Ibig sabihin, sa alinmang tatlong tao, tiyak na may isa na mas malakas at mas mahusay kaysa sa iyo, na pwedeng maging guro mo, at makatulong sa iyo. Nagsasabi ng mga gayong salita ang mga walang pananampalataya, kaya, kinikilala ba ng mayayabang na taong ito ang kawastuhan ng mga salitang ito? Kaya ba nilang pantay na makisalamuha sa ibang nasa grupo? Kaya ba nilang maging makatwiran? (Hindi.) Kung gayon, kapag kasama nila ang mga walang pananampalataya na walang pananalig sa Diyos, anong uri ng mga tao ang mga anticristong ito? (Mga tao silang mahirap pakitunguhan.) Tama, mga tampalasan sila, mga taong mahirap pakitunguhan. Walang magagawa ang sinuman tungkol sa kanila. Walang sinumang nangangahas na hamunin, galitin, o kantihin sila. Mga tampalasan sila! Kung gagalitin mo sila, may mga kahihinatnan ito, para mong ginalit ang isang malupit na demonyo. Karaniwan sa lipunan, walang nangangahas na kalabanin ang mga gayong tao. Ang disposisyon at mga prinsipyo nila sa pakikitungo sa mga bagay-bagay ay maging bastos at hindi makatwiran, at gumawa ng gulo sa bawat pagkakataon. Walang nangangahas na galitin sila, walang nangangahas na kantihin sila, at walang nangangahas na apihin sila; sila lang ang nang-aapi sa mga tao. Nakakamit nito ang layon nila. Kaya, nagagawa ba nilang magbago pagkatapos pumasok sa sambahayan ng Diyos? Nagbago na ba sila? (Hindi pa.) Ano ang nagpapakita sa atin na hindi pa sila nagbago, na hindi nila kayang magbago? (Ang katunayan na sinasabi nilang, “Kung hindi ako nananampalataya sa diyos, wala akong pakialam sa kahit na kanino!”) Karaniwang hindi nila sinasabi ang mga salitang ito—sa anong konteksto nila sinasabi ang mga salitang ito? Kapag may tumutukoy sa mga pagkukulang nila, kapag may nagsasabi ng mga bagay na nakakasakit sa dignidad nila, o na ikinapipikon nila, ibinubulalas nila ang pariralang ito, “Kung hindi ako nananampalataya sa diyos, wala akong pakialam sa kahit na kanino! Nangangahas kang kalabanin ako, sino ka ba?” Anong disposisyon ito? Dinadagdagan pa nga nila ng pasakalye ang pariralang ito, sinasabing, “Bago ako nanampalataya sa diyos, wala akong pakialam sa kahit na kanino.” Hindi ba’t hindi ka pa rin sumusuko o nakikinig kahit kanino ngayong nananampalataya ka na sa Diyos? Hindi ba’t ikaw pa rin ang dating ganap na diyablo at Satanas? Pakiramdam nila ay naging mas mabuti na sila pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos. Kung naging mas mabuti na nga sila, paano nila nagagawang bigkasin ang mga salitang ito? Wala silang anumang konsensiya o katwiran, at nangangahas silang hayagang ipagsigawan at ipaalam sa iba: “Siga ako, at wala akong kinatatakutan!” Ano ba ang dapat ipagmalaki ng isang maniniil, isang tampalasan, at isang siga? Ano ba ang dapat nilang ipagyabang? Pero nagmamayabang nang ganito ang mga anticristo. Itinuturing nilang isang maluwalhating nakaraan na minsan silang naging tirano noon, at ipinangangalandakan nila ito sa sambahayan ng Diyos. Anong klaseng lugar ang sambahayan ng Diyos? Isa itong lugar kung saan naghahari ang katotohanan. Isa itong lugar ng kabanalan kung saan inililigtas ng Diyos ang mga tao. Paanong titiisin nito ang pagsasabi mo ng mga maladiyablong salitang ito? Walang pakiramdam ng kahihiyan ang mga anticristo, hindi nila alam na mga maladiyablong salita ang mga ito, at ipinangangalandakan pa nga nila ang mga ito na para bang mabubuting salita at ang katotohanan ang mga ito. Tunay na mga indibidwal sila na walang kahihiyan, manhid sila sa kahihiyan, at kasuklam-suklam sila! Kapag nagsasabi ng mga maladiyablong salita ang ganitong uri ng tao sa inyo, mayroon ba kayong angkop na masasabi para pabulaanan ito? (Minsan akong nakakilala ng ganitong tao; hindi siya sumuko sa kahit sino sa iglesia. Noong mga panahong iyon, nagsabi siya ng mga salitang katulad nito para punahin ako. Wala akong anumang pagkilatis, at sinabi ko sa kanya na tinatanggap ko ito.) Sumagot ka nang ganito. Mali ang ganitong pagsagot; hindi ka nagpatotoo. Kailangan mong tukuyin ang mga isyu niya at ipahiya siya. Kapag nagsasabi siya ng mga mala-diyablong salita, hindi ka dapat magpadala, at hindi ka dapat sumunod sa mga maladiyablong salitang iyon. Dapat mo siyang ilantad. Para maging isa sa mga mananagumpay ng Diyos at magpatotoo para sa Diyos, dapat magawa mong ipahiya ang mga diyablo at si Satanas, at magsabi ng mga salitang makapagpapahiya kay Satanas at na naaayon sa katotohanan. Kahit na hindi niya ito tinatanggap, wala na siyang masasabi, at aayusin niya ang asal niya at magpapasakop siya. Magiging epektibo ba na takutin ang ganitong uri ng tao? Paano naman kung kokondenahin siya? Paano naman kung makikipag-usap sa kanya at hihimukin siya? (Hindi.) Kung gayon, ano ang magiging epektibo? (Kung may magsasabi ng mga gayong salita sa iglesia, sasabihin ko: “Sinusubukan mo bang magpakasama? Kung kaya mong makinig nang normal sa pagbabahaginan ng mga kapatid tungkol sa katotohanan at tanggapin ang katotohanan, ayos lang iyon, pero kung nais mong magpakasama rito, umalis ka na. Hindi ka pinahihintulutan ng sambahayan ng Diyos na magpakasama rito. Hindi naaayon sa katotohanan ang mga salitang ito. Huwag kang magpasikat dito!”) Napakamakapangyarihan ng mga salitang ito, pero ang mga ganitong uri ng tao ay mga tirano at bandido. Natatakot ba sila sa mga gayong salita? (Hindi, hindi sila natatakot.)

Hayaan ninyong ikuwento Ko sa inyo ang isang bagay. Noon, nakasalamuha Ko ang isang taong naging chef bago siya nagsimulang manampalataya sa Diyos. Minsan niyang sinabi sa Akin: “Noong chef pa ako sa mundo sa labas, at dumarating iyong mga bigating tao at opisyal para uminom, ayaw kong magkaroon ng anumang ugnayan sa kanila. Kapag ipinagluluto ko sila, nasa bewang ko ang isang kamay ko, nakatingkayad ang isang paa ko, at ipinagluluto ko sila gamit ang isang kamay.” Iminuwestra niya ito habang nagsasalita siya, at kapwa mukhang napopoot at sumusuway ang postura niya. Ang ipinapahiwatig niya ay: “Walang sinuman sa mga walang pananampalataya ang makakapantay sa akin, at hindi ako susuko sa kahit sino sa kanila. Magaling ako, at sa mundo sa labas, marangal ang mga taong kagaya ko. Madalas na wala akong pakialam sa mga opisyal!” Kumukumpas siya habang nagsasalita, mukhang nasisiyahan sa sarili niya, at madali niyang naimumuwestra ang mga galaw na iyon. Nakikita Ko na sanay na sanay siya sa pagpapakita ng mga galaw, tindig, at postura na iyon—na madalas niyang ginagawa ang mga ito. Nahahalata Ko na ginagawa niya ito nang may kaunting intensiyon na magpakitang-gilas at ipagmalaki ang kanyang “maluwalhating nakaraan,” nagsisikap siyang mapahanga ang iba. Nang makita Ko siyang kumikilos nang ganito, ngumiti Ako, at sinabi Ko sa kanya: “Kung gayon, masama ang disposisyon mo.” Sinabi Ko ito nang may ngiti, at wala na akong idinagdag pa. Agad siyang napasimangot, at kaagad din niyang inihinto ang mga galaw niya at tumahimik siya. Mula noon, hindi na niya muling binanggit ang kanyang “maluwalhating nakaraan.” Ano ang sinabi Ko sa kanya? (Masama ang disposisyon mo.) Ano ang ibig sabihin nito? (Tinukoy nito ang kalikasang diwa niya, at napahiya siya.) Tama. Ginalit Ko ba siya? Nakipagtalo ba Ako sa kanya? Sinaktan Ko ba ang dignidad niya? (Hindi.) Tinrato Ko ba siya nang pabigla-bigla at sinabing: “Umalis ka rito! Bakit ka nananampalataya sa Diyos?” o “Masyado ka pang walang muwang para ikuwento sa Akin ang iyong ‘kamangha-manghang nakaraan!’” Ginamit Ko ba ang mga pamamaraang ito? (Hindi.) Nang hindi nagpapahiwatig ng alinman sa mga ito, isang pangungusap lang ang sinabi Ko, “Kung gayon, masama ang disposisyon mo,” at napahiya siya at natahimik. Naiparating Ko ang punto Ko nang hindi na kinakailangang magpaliwanag pa. Kung maririnig ito ng isang matalinong tao, agad niyang maiintindihan ang ibig sabihin nito, at mas magiging maingat siya sa hinaharap. Ano ang tingin ninyo sa pamamaraang ito? (Mabuti ito.) Magiging angkop bang pandilatan siya at makipagtalo sa kanya? (Hindi.) Kung may magsasabi ng, “Kung hindi ako nananampalataya sa diyos, wala akong pakialam sa kahit na kanino!” dapat mong sabihin sa kanila, “Kung wala kang pakialam sa iba bago ka nanampalataya sa Diyos, ibig sabihin, masama ang disposisyon mo. Kung wala ka pa ring pakialam sa kahit na sino ngayong nananampalataya ka na sa Diyos, ibig sabihin, mas masahol na ang disposisyon mo at may problema sa diwa mo.” Sabihin mo lang ito at tingnan mo kung ano ang kanilang reaksiyon at pag-uugali. Ito ang tinatawag na pagpukol sa kahinaan nila. Malulungkot ba ang masasamang tao kapag narinig nila ang mga salitang ito? Maiinis sila. Iisipin nila, “Akala ko nagbago na ako sa pananampalataya ko sa diyos, at ginamit ko pa nga ang mga salitang ito para ipagyabang ang mga kuwalipikasyon ko at ipagmalaki ang maluwalhati kong nakaraan bago ako nanampalataya sa diyos. Hindi ko inasahan na isang nakakaunawang tao ang maglalantad sa kahiya-hiyang sikreto sa likod nito, at magbubunyag na masama ang disposisyon ko.” Ano ang kahulugan ng isang masamang disposisyon? Sa magandang salita, nangangahulugan ito na hindi mabuti ang pagkatao nila; sa mas prangkang salita, nangangahulugan ito na wala silang kuwenta. Sinong mga tao sa lipunan ang walang kuwenta? (Mga kriminal, siga, maniniil, at tampalasan.) Tama, sila nga. Sa sandaling sabihin mo na wala silang kuwenta at masama ang disposisyon nila, maiintindihan nila iyon. Maiintindihan nila na ang mga kriminal, basag-ulo, maniniil, at masama ang tinutukoy mo—ang mga terminong ito at ang mga ganitong klase ng tao. Masisiyahan ba sila kapag narinig nila na kabilang sila sa kategoryang ito? (Hindi.) Hindi talaga sila masisiyahan. At kakailanganin mo pa bang magsalita pa? (Hindi na.) Mabubunyag ang kanilang kahiya-hiyang sikreto sa isang pangungusap na iyon. “Ganoong klase ka pala ng tao. Ipinangangalandakan mo pa rin ang sarili mo rito, ipinagmamalaki ang mga negatibong bagay na para bang mga positibo ang mga ito. Ano ang gusto mong palabasin? Sambahayan ito ng Diyos, huwag kang magyabang dito. Hindi ito ang lugar para magpakitang-gilas ka. Kung gusto mong magpakitang-gilas, umalis ka na lang. Sa sambahayan ng Diyos naghahari ang katotohanan, hindi ito isang lugar kung saan pwede mong ipagyabang at iproklama ang masasama mong gawa. Ano ba ang ibig mong sabihin sa pagyayabang ng mga buktot at negatibong bagay sa sambahayan ng Diyos? Ang ibig mong sabihin ay na nagkamit ng mga resulta sa iyo ang gawain ng Diyos. Sinabi ba iyon ng Diyos? Hindi mo pinasasalamatan ang Diyos; ipinagmamalaki mo ang masasama mong gawa. Sino ang sinusubukan mong linlangin gamit ang mga salitang ito? Maaaring maloko mo ang isang tatlong taong gulang na bata, pero hindi mo maloloko ang mga kapatid. Hindi ka makakalusot!” Inilalantad sila sa ganitong paraan. Sa sandaling marinig ito ng mga anticristo, una, mararamdaman nila na wala kang masamang intensiyon laban sa kanila; pangalawa, magiging tumpak ang mga salita mo; pangatlo, hindi mo sila pinupuntirya; at pang-apat, ang mga salitang ito ay katunayan, at hindi ka eksaherado sa pagsasabi ng mga ito. Sa sandaling marinig nila ang mga salitang ito, agad silang magpipigil. Bakit sila magpipigil? Dahil mapapahiya sila sa mga salita mo. Kapag muli mo silang nakasama, mahihiya silang ulitin ang mga gayong salita. At kahit sabihin nila ulit ang mga gayong bagay, kakailanganin nila ng tamang tiyempo, at kailangan nilang tingnan kung sino ang nakikinig. Ano’t anuman, hindi sila manganghas na ulitin ang mga ito sa harap mo. Hindi ba’t nasupil mo sila? Kapag nakatagpo kayo ng gayong tao, maglalakas-loob ba kayong kausapin siya nang ganito? (Oo.) May paraan para harapin ang ganitong klase ng tao. Hindi mo kailangang maging mainitin ang ulo o maging bastos, supilin mo lang siya nang may ngiti. Tinatawag itong paglalantad at pagpapahiya kay Satanas. Tinatawag itong paninindigan sa iyong patotoo. Ang abilidad mo na ilantad siya ay nagpapatunay na nakilatis mo siya, na ayaw mo sa mga taong tulad niya, na kinamumuhian mo ang mga taong tulad niya, at hinahamak mo ang mga taong tulad niya. Ang mga taong ito ay kabilang sa mga negatibong karakter, at ikaw ang eksaktong kabaligtaran niya. Sa harap mo, nararamdaman nilang mas mababa siya; mas malakas at mas marangal ka kaysa sa kanya.

Kapag pinupungusan ang mga anticristo, kapag inilalantad sila paminsan-minsan ng mga kapatid, ano ang dalawang walang kahihiyang pangungusap na binibigkas nila? (“Masyado ka pang walang muwang para pungusan ako!” “Kung hindi ako nananampalataya sa diyos, wala akong pakialam sa kahit na kanino!”) Hindi kayang sabihin ng karamihan sa mga tao ang dalawang pangungusap na ito, hindi ba? Anong mga katangian ang taglay ng mga salitang ito? Mapang-api at imoral ang mga ito, na may nangingibabaw na kayabangan at buktot na disposisyon ni Satanas. Malinaw na hindi manggagaling ang mga salitang ito sa bibig ng isang normal na tao, lalong hindi sa isang taong naghahangad sa katotohanan. Walang duda na nagtataglay ng malupit na disposisyon ni Satanas ang mga nagsasabi ng mga salitang ito. Masama sila, at mga anticristo sila. Hindi nila mahal ang katotohanan, at iginagalang nila ang masasamang puwersa, karahasan, at ang malulupit na puwersa at disposisyon ni Satanas. Makikita ang mga diwa mula sa dalawang pangungusap na ito na sinasabi nila. Kapag sinasabi nila ang mga salitang ito, nabubunyag ang mga disposisyon at diwa nila. Sa mga ordinaryo, normal, tiwaling sangkatauhan, walang kuwenta ang sinumang madalas na nagsasabi ng mga salitang ito, at ang sinumang hindi nagsasabi ng mga salitang ito kahit na naririnig nila ang mga ito, na nag-iisip na kahiya-hiya at malupit ang mga nagsasabi ng mga salitang ito, na hindi kayang magsalita nang sila mismo sa ganitong paraan, na hindi posibleng makapagsabi ng mga salitang ito gaano pa man sila namumuhi, naghihinanakit, at nangmamaliit sa isang tao, at na nanghahamak sa mga taong nagsasabi ng mga salitang ito—ang gayong mga tao ay mayroon pa ring kaunting kahihiyan at matuwid na parte sa pagkatao nila. Pero ang mga madalas bumibigkas ng mga salitang ito, na madalas na tumatrato sa mga salitang ito bilang ang mga pinakamataas na prinsipyo sa kanilang pagharap sa mga bagay-bagay at pag-asal, ay walang duda na mga anticristo na miyembro ng grupo ni Satanas. Sinasabi ng ilang tao: “Noong hindi pa ako nananampalataya sa Diyos, hindi ko alam kung mabuti o masama ang mga salitang ito. Ginamit ko ang mga ito noong bata pa ako, pero tumigil ako sa pagsabi ng mga ito noong medyo tumanda na ako at mas nag-mature.” Mga anticristo ba sila? Hindi. Noong bata at mangmang pa ang mga tao, noong una nilang nakakasalamuha ang lipunan at ang pangkalahatang populasyon, itinuturing nila ang mga salitang ito bilang mabubuting salita, mga salitang may karakter. Masyado pa silang bata at hindi pa matured. Kapag medyo lumaki na sila at kaya na nilang tukuyin ang mabuti sa masama, pag-ibahin ang mabubuti at masasamang tao, hindi na nila sinasabi ang mga salitang ito. Mayroon pa ring kaunting konsensiya at pagkamakatwiran ang mga gayong tao. Saan nanggagaling ang kaunting konsensiya at pagkamakatwiran na ito? Nanggagaling ito sa abilidad nilang matukoy ang mabuti sa masama, malaman kung ano ang pagiging totoo at huwad, kung ano ang tama at kung ano ang mali, mula ito sa pagkakaroon nila ng mga pagpipilian at limitasyon sa kanilang pagkilos, pagsasalita, pagharap sa mga bagay-bagay, at pag-asal. Nagmumula ito sa hindi nila pagiging mga Satanas, hindi pagiging masasamang tao, hindi pagiging mga hayop, mula sa pag-asal nila nang may mga pamantayan at prinsipyo, at pagiging mga matuwid na tao.

Sa pamamagitan ng paglalantad sa mga anticristo, nabubunyag ang lahat ng kanilang “mga salita ng karunungan,” ang mga alituntuning pamatnubay nila sa buhay, at ang mga madalas nilang ginagamit na kasabihan. Habang nabubunyag ang mga ito, lumilitaw rin ang kalikasang diwa nila, na nagpapahintulot sa iba na makita ito nang higit na mas malinaw. Kung hindi malalantad ang mga bagay na ito, at kung ituturing ng mga tao bilang mga ordinaryong salita ang mga salitang ito na paminsan-minsan o madalas na naririnig, at wala silang pagkilatis sa mga ito, hindi nila makaklasipika ang mga ito. Kung hindi mo makaklasipika ang mga ito, ano ang silbi ng pagkaunawa mo sa katotohanan o ang kaalaman mo tungkol sa tama at mali? Maiimpluwensiyahan ba nito ang paninindigan mo? Maiimpluwensiyahan ba nito ang pananaw mo? (Hindi.) Kung gayon, hindi mo nakikilatis kung ano ang isang normal na pagpapamalas ng katiwalian at kung ano ang isang pagpapamalas ng diwa ng isang anticristo. Kapag malinaw mong nakikilatis ang mga diwang ito, tumpak na nakaklasipika at natutukoy ang mga ito, at malinaw na nakikilatis ang iba’t ibang pagpapamalas, pagpapakita, disposisyon, at diwa ng positibo at negatibo, ng normal at hindi normal, saka mo lamang mas tumpak na makikilatis ang mga tao at bagay-bagay. Kung hindi, mali mong iisipin na ang pagpapamalas ng isang anticristo ay ordinaryong katiwalian o isang normal na pagpapakita, at minsan ay mapagkakamalan mo ang ilang ordinaryong pagbubunyag ng katiwalian bilang mga pagpapamalas ng diwa ng mga anticristo. Hindi ba’t may kalituhan dito? Sabihin nating isa kang lider at mayroong mga anticristo sa saklaw ng iyong responsabilidad. Kung hahayaan mo silang manatili, at patatalsikin mo ang mga ordinaryong kapatid na may mga pagbubunyag ng katiwalian, hindi ba’t isa itong pagkakamali? (Oo.) Kaya naman, napakahalaga ng pagkaunawa sa mga detalyado at partikular na pagkakaibang ito.

Kapag nahaharap ang mga anticristo sa pagpupungos, lampas pa sa natalakay natin ang mga pagpapamalas nila. Hindi lamang sila magsasalita ng ilang hindi kanais-nais na pangungusap o medyo maghihinanakit. Gagawa sila ng mas maraming bagay at magsasabi ng mas maraming hindi kanais-nais na salita. Higit pa rito, gagawa sila ng mas masasamang bagay, mga bagay na lubhang nakakagulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa normal na buhay-iglesia. Ngayon, subukang magbahaginan tungkol sa iba pang pwedeng gawin ng mga anticristo, bukod sa pagsasabi ng ilang pangungusap na iyon, na nagpapahintulot sa mga tao na makita at makilatis nang malinaw na mga anticristo sila, na sa mga anticristo ang mga gawa at asal nila, at na sa mga anticristo ang disposisyon nila. Sa ganitong paraan, pwedeng makilatis at matukoy ng mga kapatid ang mga anticristong ito bilang mga anticristo bago makapagdulot ang mga ito ng mas malalaking kaguluhan. Sa ganitong paraan, sa isang banda, maiiwasan ng mga kapatid na magdusa ng mas malaking pinsala sa buhay pagpasok nila, at sa kabilang banda, maiiwasan ang pagkagambala at kaguluhan na idinudulot ng mga anticristong ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t mas mabuti na matuklasan, malutas, maiwasan, at maituwid ang problemang ito nang mas maaga kaysa sa huli na? (Oo.) Kung gayon, patuloy kayong magbahaginan. (Kapag pinupungusan ang mga anticristo, hindi nila tinatanggap ang katotohanan at nagsasabi sila ng mga salita para atakihin ang mga tao. Kahit sino pa ang magpayo sa kanila, basta’t nakakanti nito ang katayuan o pride nila, huhusgahan ng mga anticristo ang taong iyon sa iglesia, at babaluktutin pa nga nila ang katotohanan para ipagtanggol ang katayuan at pride nila.) May iba pa ba? (Minsan akong nakatagpo ng isang masamang tao na nagbantang pumatay sa sinumang gumawa ng bagay na nakasasama sa kanya. Noong panahong iyon, hindi namin naunawaan ang katotohanan at wala kaming pagkilatis. Natakot kami sa kanya. Kumikilos siya nang hindi makatarungan at walang ingat kapag gumagawa ng tungkulin niya, at nang makakita kami ng ilang problema sa gawain niya at gusto naming iulat ang mga ito, hinarangan niya kami at hindi kami pinayagang mag-ulat. Hindi namin taglay ang katotohanan noon, kaya noong panahon na iyon, hindi kami naglakas-loob na makipagtalo, at hindi rin namin siya inulat kaagad, na kalaunan ay nagdulot ng malalaking kawalan sa gawain ng iglesia. Dahil ito sa kawalan namin ng pagkilatis sa mga anticristo. Pinatalsik lamang siya kalaunan nang gumawa pa siya ng mas maraming masamang gawa.) Sa usaping ito, nabigo kayong makapanindigan sa patotoo ninyo o maprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hinayaan ninyong magdusa ng mga kawalan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. May pananagutan kayo rito. Ngayon, tila tama lang na pinatalsik ang taong ito at hindi trinato nang hindi makatarungan. Kung muli kayong makakatagpo ng ganitong uri ng tao sa hinaharap, makikilatis ba ninyo sila? (Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan ng Diyos, mas malinaw na sa akin ang aspektong ito ng katotohanan tungkol sa pagkilatis sa mga anticristo.)

Bakit gustong patalsikin ng sambahayan ng Diyos ang mga anticristo? Ayos lang ba na hayaan silang manatili at magserbisyo? Ayos lang ba na bigyan sila ng pagkakataong magsisi? (Hindi.) Mayroon bang anumang posibilidad na magagawa nilang hangarin ang katotohanan? (Hindi kayang hangarin ng mga anticristo ang katotohanan.) Ngayon, natuklasan na ninyo na ang mga anticristo ay masasamang tao na nabibilang kay Satanas at hindi kayang magsisi, kaya sila pinatatalsik. Walang taong pinatatalsik nang basta-basta. Paulit-ulit na nagpapasensiya ang sambahayan ng Diyos, paulit-ulit silang binibigyan ng mga pagkakataon na magsisi, at ng kaluwagan, para hindi maling maakusahan ang mabubuting tao, at para walang mapapatalsik o mapipinsala nang basta-basta. Hindi madali para sa kanila na manampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon; matiisin ang sambahayan ng Diyos sa lahat ng tao hanggang sa lubusan silang makilatis, hanggang sa ganap silang mabunyag. Pero kaya bang magsisi ng mga anticristo? Hindi nila kayang magsisi. Ang papel na ginagampanan nila sa sambahayan ng Diyos ay ang pagiging mga alipores ni Satanas, binubuwag, ginagambala, at ginugulo ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kahit na mayroon silang ilang kaloob o talento, hindi nila magagawang magsikap para gawin nang maayos ang tungkulin nila, o tumahak sa tamang landas. Kahit na may ilang kapaki-pakinabang na aspekto ang mga anticristo, tiyak na hindi sila gagawa ng positibong kontribusyon sa gawain ng Diyos sa sambahayan ng Diyos. Wala silang ginagawa kundi manggambala, manggulo, at manira sa gawain ng Diyos, at hindi sila gumagawa ng mabubuting bagay. Pinanatili mo sila para maobserbahan sila at binigyan mo sila ng pagkakataong magsisi, pero wala silang kakayahan na magsisi. Sa huli, ang naisip na solusyon ay patalsikin sila. Bago sila patalsikin, malinaw mo nang naunawaan ang katunayan na isang anticristo ang ganitong uri ng tao na mas pipiliin pang mamatay kaysa magsisi, na antagonistiko siya sa Diyos at sa katotohanan. Bilang resulta, pinatalsik siya. Patatalsikin ba siya kung naging mabuting tao siya? Patatalsikin ba siya kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan at magsisi? Sa pinakamainam, tatanggalin siya sa tungkulin niya at ipapadala para lumahok sa mga espirituwal na debosyonal at pagninilay-nilay, hindi siya patatalsikin. Sa sandaling magdesisyon ang sambahayan ng Diyos na patalsikin ang isang tao, ibig sabihin nito ay magiging salot ang taong ito sa sambahayan ng Diyos kung papayagan siyang manatili. Hindi siya gagawa ng mabubuting bagay, bagkus ay magsasanhi lang siya ng mga pagkagambala at kaguluhan, at gagawa ng iba’t ibang uri ng masamang bagay. Sa anumang iglesia sila naroroon, guguluhin nila ito hanggang sa puntong magkawatak-watak ito, tumigil ang gawain, at nakaramdam ng kawalan ng pag-asa ang karamihan sa mga tao at nawalan sila ng pananalig sa Diyos, at ginusto pa nga ng ilan na huminto sa pananalig nila at hindi sila makapagpatuloy sa paggawa ng mga tungkulin nila. Ano ang dahilan nito? Sanhi ito ng mga panggugulo ng anticristo. Ang anticristo ay dapat mapangasiwaan, mapaalis, at mapatalsik para magkaroon ng pag-asa ang iglesiang ito, para maging normal ang buhay-iglesia, at para makapasok ang mga hinirang na tao ng Diyos sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Ang Diyos ay pagmamahal, kaya dapat din nating bigyan ang mga anticristo ng pagkakataon na magsisi.” Napakaganda pakinggan ng mga salitang ito, pero ganoon ba talaga ang mga bagay-bagay? Pagmasdan nang mabuti: Aling mga anticristo at masasamang tao na pinatalsik ang nakakilala sa sarili nila kalaunan, at nagawang hangarin at mahalin ang katotohanan? Sino ang mga nagsisi? Wala sa kanila ang nagsisi at mapagmatigas silang lahat na tumangging ikumpisal ang mga kasalanan nila, at gaano man karaming taon ang lumipas kapag nakita mo silang muli, ganoon pa rin sila, kumakapit pa rin sa mga bagay na iyon na nangyari noon at ayaw nilang bumitiw, sinusubukang pangatwiranan at ipaliwanag ang sarili nila. Hindi nagbago kahit kaunti ang disposisyon nila. Kung tatanggapin mong makabalik sila at tutulutan silang bumalik sa buhay-iglesia, at hahayaan silang gumawa ng tungkulin, gagambalain at guguluhin pa rin nila ang gawain ng iglesia. Tulad ni Pablo, uulitin nila ang dati nilang mga pagkakamali, itinataas at pinatotohanan ang sarili nila. Hindi man lang nila matahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at tatahakin nila ang lumang landas nila, ang landas ng isang anticristo, ang landas ni Pablo. Ito ang batayan ng pagpapatalsik sa mga anticristo.

Dahil sa mapaminsalang kalikasan nila, hindi sumusuko ang mga anticristo sa sinumang naghahangad sa katotohanan. Minamaliit nila ang sinumang lider at manggagawa na may kakayahang gumawa ng totoong gawain, at binabansagan pa nga nila na huwad ang lahat ng lider at manggagawa, na para bang sila lamang ang tama, at mali ang lahat ng ibang tao. Paano man ibinabahagi sa kanila ang katotohanan, hindi man lang nila tatanggapin ang pagpupungos at pinaninindigan pa rin nila ang sarili nilang mga pananaw. Kung mabibigo ang sinumang nagpupungos sa kanila na kumbinsihin sila, hindi nila ito tatanggapin. Iniisip nila na walang silbi ang pagpupungos at na wala itong kinalaman sa katotohanan. Ito ang pananaw nila. Palagi nilang pinaninindigan ang sarili nilang mga pananaw, kaya napakahirap para sa kanila na tanggapin ang katotohanan, at kasabay nito, hinuhusgahan at kinokondena nila ang mga nagpupungos sa kanila. Anong disposisyon ang ibinubunyag ng mga anticristo sa paraan nila ng pagtrato sa pagpupungos? Nakikita mo ba kung ano ang kalikasang diwa ng anticristo? Ang isa sa mga pangunahing katangian ng likas na pagkatao ng mga anticristo ay ang kasamaan. Ano ang kahulugan ng “kasamaan”? Nangangahulugan ito na mayroon silang partikular na kasuklam-suklam na saloobin tungkol sa katotohanan—hindi lamang nabibigong magpasakop doon, at hindi lamang tumatangging tanggapin iyon, kundi kinokondena pa ang mga nagpupungos sa kanila. Iyon ang masamang disposisyon ng mga anticristo. Iniisip ng mga anticristo na sinumang tumatanggap sa ay madaling apihin, at na ang mga taong palaging pumupungos sa iba ay ang mga taong palaging nagnanais na manudyo at mang-api sa mga tao. Kaya, lalabanan ng isang anticristo ang sinumang pumupungos sa kanya, at pahihirapan niya ang taong iyon. At sinumang bumabanggit sa mga kakulangan o katiwalian ng isang anticristo, o nagbabahagi sa kanya tungkol sa katotohanan at mga layunin ng Diyos, o naghihikayat sa kanyang kilalanin ang kanyang sarili, iniisip niya na pinahihirapan siya ng taong iyon at nakayayamot ang tingin sa kanya. Kinamumuhian niya ang taong iyon sa kaibuturan ng kanyang puso, at paghihigantihan at pahihirapan niya ito. Isa pa itong pagpapamalas kung paano tinatrato ng mga anticristo ang pagpupungos na ating pagbabahaginan. Kinamumuhian nila ang sinumang nagpupungos at naglalantad sa kanila. Isa itong napakalinaw na pagpapamalas sa mga anticristo. Anong uri ng mga tao ang nagtataglay ng gayon kalupit na disposisyon? Masasamang tao. Sa katunayan, masasamang tao ang mga anticristo. Kaya, ang masasamang tao at mga anticristo lamang ang nagtataglay ng gayon kalupit na disposisyon. Kapag naharap ang isang malupit na tao sa anumang uri ng pagpapayo, akusasyon, turo, o tulong na may mabuting layunin, ang saloobin nila ay hindi ang magpasalamat o tanggapin ito nang mapagpakumbaba, kundi, ang magalit nang husto dahil sa kahihiyan, at makaramdam ng matinding pagkamapanlaban, pagkamuhi, at maghiganti pa nga. May ilan na nagpupungos at naglalantad sa isang anticristo sa pamamagitan ng pagsasabing, “Kamakailan lang ay wala kang pakundangan sa pagkilos mo, hindi ka kumilos ayon sa prinsipyo, at palagi mong ipinagmamalaki ang sarili mo habang ginagawa ang tungkulin mo. Gumagawa ka lang alang-alang sa katayuan at lubusan mong ginugulo ang iyong tungkulin. Ginagawa mo ba nang tama ang tungkulin mo sa Diyos? Bakit hindi mo hinanap ang katotohanan habang ginagawa ang tungkulin mo? Bakit hindi ka kumikilos ayon sa prinsipyo? Bakit hindi mo tinanggap nang makipagbahaginan sa iyo ang mga kapatid tungkol sa katotohanan? Bakit mo sila binalewala? Bakit mo ginawa ang anumang gusto mo?” Ang ilang katanungang ito ‘kung bakit,’ ang mga salitang ito na naglalantad ng pagbubunyag nila ng katiwalian—naiirita sila sa mga ito: “Bakit? Walang ‘bakit’—gagawin ko ang anumang gusto ko! Ano ang karapatan mo para pungusan ako? Sino ka para gawin ito? Matigas ang ulo ko; ano ang magagawa mo roon? Ngayong umabot na ako sa edad na ito, walang naglalakas-loob na kausapin ako nang ganito. Ako lang ang pwedeng magsalita nang ganito sa iba; walang sinuman ang makakapagsalita sa akin nang ganito. Sino ang maglalakas-loob na pangaralan ako? Hindi pa ipinapanganak ang taong pwedeng mangaral sa akin! Sa tingin mo ba talaga ay pwede mo akong pangaralan?” Umuusbong ang pagkamuhi sa kaibuturan ng puso nila, at naghahanap sila ng pagkakataon para makapaghiganti. Sa isipan nila, nagkakalkula sila: “May kapangyarihan ba sa iglesia ang taong ito na nagpupungos sa akin? Kung gagantihan ko siya, may magsasalita ba para sa kanya? Kung pahihirapan ko siya, iwawasto ba ako ng iglesia? May solusyon ako. Hindi ko siya personal na gagantihan; lubos na palihim kong gagawin ang isang bagay. May gagawin ako sa pamilya niya na magpapahirap at magpapahiya sa kanya, nang sa gayon ay makalaya ako sa sama ng loob na ito. Kailangan kong makapaghiganti. Hindi ko ito pwedeng palampasin ngayon. Hindi ako nagsimulang manampalataya sa diyos para lang hamak-hamakin ako, at hindi ako pumarito para api-apihin ako ng iba ayon sa gusto nila; pumarito ako para magkamit ng mga pagpapala at pumasok sa kaharian ng langit! Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito. Dapat ay may lakas ang mga tao na ipaglaban ang kanilang dignidad. Ang lakas ng loob mong ilantad ako. Pang-aapi ito! Ngayong hindi mo ako itinuturing na mahalagang tao, dadalhin kita sa impiyerno, at ipapatikim ko sa iyo ang mga kahihinatnan. Magtuos tayo, tingnan natin kung sino ang mas mabangis!” Ang kaunting salita lang ng paglalantad ay lubha nang nagpapagalit sa mga anticristo at pumupukaw sa matindi nilang pagkamuhi, na nagtutulak sa kanila na gumawa ng mga labis-labis na bagay para sa paghihiganti. Lubusang nabubunyag ang malupit nilang disposisyon. Siyempre, kapag gumaganti sila sa iba dahil sa pagkamuhi, hindi ito dahil may pagkamuhi sila o dating sama ng loob sa taong iyon, kundi dahil inilantad ng taong iyon ang mga pagkakamali nila. Ipinapakita nito na ang simpleng paglalantad sa isang anticristo, kahit sino pa ang gumawa nito, at kahit ano pa ang ugnayan nila sa anticristo, ay pwedeng makapukaw sa pagkamuhi nila at mag-udyok ng paghihiganti nila. Kahit sino pa ito, nauunawaan man ng taong ito ang katotohanan, o isa man itong lider o manggagawa, o isang ordinaryong miyembro ng hinirang na mga tao ng Diyos, hangga’t may naglalantad at nagpupungos sa anticristo, ituturing nila ang taong iyon bilang kaaway. Hayagan pa ngang sasabihin ng mga anticristo na, “Pahihirapan ko ang sinumang magpupungos sa akin. Ang sinumang nagpupungos sa akin, naglalantad sa mga kahiya-hiyang sikreto ko, nagpapatalsik sa akin sa sambahayan ng Diyos, o aagaw sa aking parte ng mga pagpapala, hinding-hindi ko siya tatantanan. Ganyan ako sa sekular na mundo: Walang nangangahas na bigyan ako ng problema. Hindi pa ipinapanganak ang taong mangangahas na abalahin ako!” Ito ang mga uri ng walang awang salita na ibinubulalas ng mga anticristo kapag nahaharap sila sa pagpupungos. Kapag ibinubulalas nila ang mga walang awang salitang ito, hindi ito para takutin ang iba, at hindi rin sila nagbubulalas para protektahan ang sarili nila. Tunay na may kakayahan silang gumawa ng kasamaan, at magpapakababa sila para makuha ang gusto nila. Ito ang malupit na disposisyon ng mga anticristo. Kapag nakakatagpo ng ilang lider at manggagawa ang mga anticristong tulad nito, wala silang lakas ng loob na ilantad ang mga anticristo o umaksiyon laban sa mga ito, at kaya, nagiging mas masahol ang mga anticristo. Mas lalo pang nagiging pangahas ang paggawa nila ng masama, patuloy nilang tinatangkang ilihis at guluhin ang mga tao, at nauuwi ito sa panlilihis at pagkontrol nila sa karamihan ng tao. Ito ang nagdudulot ng sakuna. Kapag natuklasan ng ilang anticristo na inilantad o iniulat ng mga kapatid ang masasamang gawa nila sa mga mas nakatataas, gumaganti sila at inuulat ang mga kapatid sa malaking pulang dragon—inuulat nila ang ang mga ito sa rehimen ni Satanas. Isa itong malupit na disposisyon, hindi ba? At, dahil napakalupit ng mga anticristo, talaga bang nananampalataya sila sa Diyos? Tiyak na hindi. Mga alagad sila ni Satanas, at dumating sila para guluhin ang iglesia; mga demonyo silang nakapasok sa sambahayan ng Diyos at walang ginagawa kundi gambalain at sirain ang gawain ng Diyos, at kinokontra nila ang Diyos. Kaya, ang mga anticristo ay mga kaaway ng Diyos at ang mga hinirang ng Diyos. Isang malaking pagkakamali na tratuhin ang mga demonyong anticristo nang katulad ng pagtrato sa mga kapatid; tiyak na isa kang bulag para magawa ang gayong bagay. Kung ang isang anticristo ay dinidiligan, pinapakain, at sinusuportahan na parang isa siyang kapatid, o kung itinataas ang ranggo niya at binibigyan siya ng mahalagang papel na parang isa siyang taong naghahangad sa katotohanan, gumagawa ng malaking kasamaan ang lider. Nakikibahagi ang lider sa kasamaan ng anticristo, at dapat siyang itiwalag. Kasabwat ng mga anticristo ang gayong mga huwad na lider, at makatarungang sabihin na sila mismo ay mga anticristong dapat alisin at patalsikin.

Kapag pinupungusan ang mga anticristo, ang saloobin nila ay hindi pagtanggap at pagsunod. Sa halip, laban at tutol sila rito, na nagbubunga ng pagkamuhi. Kinamumuhian nila sa kaibuturan ng puso nila ang bawat taong nagpupungos sa kanila, nagbubunyag ng mga kahiya-hiya nilang sikreto at naglalantad ng mga aktuwal nilang sitwasyon. Gaano katindi ang pagkamuhi nila sa iyo? Nagngangalit ang mga ngipin nila sa pagkamuhi, hiling nila na maglaho ka sa paningin nila, at nararamdaman nila na hindi kayo pwedeng umiral sa iisang mundo. Kung ganito ang pakikitungo ng mga anticristo sa mga tao, kaya ba nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos na naglalantad at kumokondena sa kanila? Hindi. Ang sinumang maglalantad sa kanila ay kamumuhian nila dahil sa paglalantad sa kanila at sa pagiging hindi pabor sa kanila, at gaganti sila. Nais nilang mawala sa paningin nila ang taong nagpungos sa kanila. Hindi nila matiis na makita ang taong ito na namumuhay nang maayos. Kung mamamatay o daranas ng sakuna ang taong ito, matutuwa sila; hangga’t nabubuhay ang taong ito at gumagawa pa rin ng tungkulin niya sa sambahayan ng Diyos, at nagpapatuloy ang mga bagay-bagay gaya ng dati, nakakaramdam sila ng pagdurusa, pagkabalisa, at pagkayamot sa puso nila. Kapag hindi sila makapaghiganti sa isang tao, palihim nila itong isinusumpa, o ipinagdarasal pa nga nila na parusahan at gantihan ng Diyos ang taong iyon, at na tugunan ng Diyos ang mga hinaing nila. Kapag naramdaman ng mga anticristo ang ganitong pagkamuhi, nagreresulta ito sa mga sunud-sunod na pagkilos. Kabilang sa mga pagkilos na ito ang paghigiganti at mga sumpa, at siyempre, may ilan ding pagkilos gaya ng pag-frame, paninira, at pagkondena sa iba, na nag-uugat sa pagkamuhi. Kapag may nagpupungos sa kanila, sisiraan nila ang taong iyon nang patalikod. Kapag sinabi ng taong iyon na tama ang isang bagay, sasabihin nilang mali ito. Babaluktutin nila ang lahat ng positibong bagay na ginagawa ng taong iyon at gagawin nila itong negatibo, nagpapakalat sila ng mga kasinungalingang ito at nagsasanhi ng kaguluhan habang nakatalikod ang mga ito. Uudyukan at aakitin nila ang iba na mangmang at hindi malinaw na nakakaunawa ng mga bagay-bagay o hindi nakakakilatis, para pumanig sa kanila ang mga taong ito at suportahan sila. Malinaw na walang anumang ginawang masama ang taong nagpupungos sa kanila, pero gusto pa rin nilang paratangan ng masasamang gawa ang taong ito, para maling paniwalaan ng lahat na ginagawa ng mga taong ito ang mga ganitong uri ng bagay, at magsama-sama ang lahat para itakwil ang taong ito. Ginugulo ng mga anticristo ang buhay-iglesia sa ganitong paraan at ginugulo ang mga tao sa paggampan ng tungkulin nila. Ano ang layon nila? Layon nilang pahirapan ang taong nagpupungos sa kanila at himukin ang lahat na abandonahin ang taong ito. May ilang anticristo rin na nagsasabi: “Pinungusan at pinahirapan mo ako, kaya hindi ko rin gagawing madali para sa iyo ang mga bagay-bagay. Ipapatikim ko sa iyo kung ano ang pakiramdam ng mapungusan at maabandona. Paano mo man ako tratuhin, ganoon din kita tatratuhin. Kung hindi mo gagawing madali para sa akin ang mga bagay-bagay, huwag kang umasa na magiging madali rin para sa iyo ang mga ito!” Kapag gumagawa ng kasamaan ang mga anticristo, ipinatatawag sila ng ilang lider at manggagawa para makausap, sinasabihan silang magsisi, at binabasahan sila ng mga salita ng Diyos para tulungan at suportahan sila. Bukod sa hindi nila ito tinatanggap, nagpapasimula rin sila ng mga tsismis na hindi gumagawa ng totoong gawain ang lider at hindi kailanman gumagamit ng salita ng Diyos para lutasin ang mga problema. Sa katunayan, nakagawa na ng gayong gawain ang lider, pero binabago at binabaliktad ng mga anticristo ang mga katunayan at sinisiraan ang taong tumutulong sa kanila. Hindi ba’t malupit ito? Nang nakadilat ang mga mata nila, ipinapahayag ng masasamang tao at mga anticristong ito na negatibo ang mga positibong bagay, at na ang kanilang mga maling gawain, pagkakamali, buktot na gawa, at mapaminsalang kilos ay mga positibong bagay na umaayon sa katotohanan. Gaano man kalaki ang maging pagkakamali nila habang ginagawa ang tungkulin nila, gaano man kalaking pinsala ang idinudulot nila sa gawain ng iglesia, hindi nila ito inaamin o sineseryoso man lang. Kapag tinatalakay nila ito, ginagawa lang nila itong maliit na bagay at binabalewala. Ang taong nagpupungos sa kanila dahil sa usaping ito ay nagiging makasalanan sa paningin nila at nagiging puntirya ng kritisismo nila. Hindi ba’t pagbabaliktad ito sa katunayan? May ilang anticristo pa nga na gumagawa ng mga maling kontra-akusasyon kapag pinupungusan sila ng isang lider o manggagawa, sinasabi nila: “Ang anumang pagkakamali naming mga kapatid ay sanhi ng kamangmangan at ng hindi maayos na paggawa ng mga lider at manggagawa sa trabaho nila. Kung marunong ang mga lider at manggagawa na gumampan sa gawain nila, kung binigyan nila kami ng mga maagap na paalala, at mahusay nilang pinamahalaan ang mga bagay-bagay, kung gayon, hindi ba’t mababawasan ang mga kawalan sa sambahayan ng Diyos? Samakatuwid, anuman ang maging mga pagkakamali namin, ang mga lider at manggagawa ang ganap na dapat sisihin at ang dapat na umako ng pinakamalaking responsabilidad.” Hindi ba’t paggawa ito ng huwad na kontra-pahayag? Ang mga huwad na kontra-pahayag na ito ay pagbabaligtad sa katunayan at isang uri ng paghihiganti.

Ang mga anticristo ay nagtataglay ng lubhang malulupit na disposisyon. Kung susubukan mo silang pungusan o ilantad, kamumuhian ka nila at ibabaon nila sa iyo ang mga ngipin nila na para bang sila ay mga makamandag na ahas. Hindi mo sila maiwawaksi o maiaalis kahit anong pilit mo. Kapag nakakatagpo kayo ng mga gayong anticristo, natatakot ba kayo? May ilang tao na natatakot at nagsasabi, “Hindi ako nangangahas na pungusan sila. Masyado silang mabangis, para silang mga makamandag na ahas, at kung pupulupot sila sa akin, magiging katapusan ko na.” Anong uri ng mga tao ang mga ito? Masyadong mababa ang tayog nila, wala silang silbi sa anumang bagay, hindi sila mabubuting sundalo ni Cristo, at hindi nila kayang magpatotoo sa Diyos. Kaya, ano ang dapat ninyong gawin kapag nakatagpo kayo ng mga gayong anticristo? Kung pinagbabantaan ka nila o tinatangka nilang kitilin ang buhay mo, matatakot ka ba? Sa mga gayong sitwasyon, dapat mabilis kang makipagkaisa sa mga kapatid mo at manindigan, magsiyasat, magtipon ng ebidensiya, at maglantad sa anticristo hanggang maalis siya sa iglesia. Lubusan itong paglutas sa problema. Kapag natuklasan mo ang isang anticristo at malinaw mong natukoy na taglay niya ang mga katangian ng isang masamang tao at kaya niyang magparusa at maghiganti sa iba, huwag mo nang hintayin na makagawa pa siya ng kasamaan at makapagtipon ng ebidensiya bago mo ito pangasiwaan. Ito ay pagiging pasibo at magreresulta sa ilang kawalan. Kapag ipinapakita ng mga anticisto na mayroon silang mga katangian ng isang masamang tao at ibinubunyag nila ang mapanira at mapaminsala nilang disposisyon, at magsisimula na silang kumilos, pinakamainam na agad mo silang pangasiwaan, tugunan, alisin, at patalsikin. Ito ang pinakamatinong pamamaraan. Ang ilang tao ay natatakot sa paghihiganti ng mga anticristo at hindi sila naglalakas-loob na ilantad ang mga ito. Hindi ba’t kahangalan ito? Hindi mo magawang pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, na likas na nagpapakita na hindi ka tapat sa Diyos. Natatakot ka na pwedeng makahanap ang isang anticristo ng sandata para makaganti sa iyo—ano ang problema? Pwede kayang dahil hindi ka nagtitiwala sa pagiging matuwid ng Diyos? Hindi mo ba alam na ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos? Kahit na matuklasan ng isang anticristo ang ilang isyu ng katiwalian sa iyo at at gumawa ng gulo tungkol dito, hindi ka dapat matakot. Sa sambahayan ng Diyos, ang mga problema ay pinangangasiwaan batay sa mga katotohanang prinsipyo. Ang paggawa ng mga pagsalangsang ay hindi nangangahulugang masamang tao ang isang tao. Hindi kailanman pinangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang sinuman dahil sa isang panandaliang pagpapakita ng katiwalian o paminsan-minsang paglabag. Iwinawasto ng sambahayan ng Diyos ang mga anticristo at masasamang tao na palagiang nanggugulo at gumagawa ng masama, at hindi tumatanggap ng kahit katiting na katotohanan. Hindi kailanman inaagrabyado ng sambahayan ng Diyos ang isang mabuting tao. Tinatrato nito ang lahat nang patas. Kahit na akusahan ng hindi totoo ng mga huwad na lider o anticristo ang isang mabuting tao, ipapawalang-sala sila ng sambahayan ng Diyos. Hindi kailanman aalisin o pangangasiwaan ng iglesia ang isang mabuting tao na kayang maglantad ng mga anticristo at na may pagpapahalaga sa katarungan. Palaging natatakot ang mga tao na makakahanap ang mga anticristo ng sandata para gantihan sila. Ngunit hindi ka ba natatakot na masalungat ang Diyos at maranasan ang Kanyang pagtataboy? Kung natatakot ka na makahanap ng paraan ang isang anticristo na makaganti sa iyo, bakit hindi mo kunin ang ebidensya ng masasamang gawa ng anticristong iyon para iulat at ilantad siya? Sa paggawa nito, makakamit mo ang pagsang-ayon at suporta ng hinirang na mga tao ng Diyos, at higit sa lahat, matatandaan ng Diyos ang iyong mabubuting gawa at mga kilos ng katarungan. Kaya, bakit hindi mo gawin ito? Dapat palaging tandaan ng hinirang na mga tao ng Diyos ang atas ng Diyos. Ang pag-aalis ng masasamang tao at mga anticristo ang pinakamahalagang laban sa pakikipagsagupa kay Satanas. Kung maipapanalo ang labang ito, magiging patotoo ito ng isang mananagumpay. Ang pakikipaglaban sa mga Satanas at diyablo ay isang patotoong batay sa karanasan na dapat taglayin ng hinirang na mga tao ng Diyos. Isa itong katotohanang realidad na dapat taglayin ng mga mananagumpay. Pinagkalooban ng Diyos ang mga tao ng napakaraming katotohanan, inakay ka Niya sa loob ng napakahabang panahon, at napakarami niyang itinustos para sa iyo, para patotohanan at pangalagaan mo ang gawain ng iglesia. Pero lumalabas na kapag gumagawa ng masasamang gawa ang masasamang tao at ang mga anticristo at kapag ginugulo nila ang gawain ng iglesia, nagiging duwag ka at umaatras ka, tumatakbo nang nakatakip ang mga kamay sa ulo—wala kang kwenta. Hindi mo madaig si Satanas, hindi ka nakapagpatotoo, at kinasusuklaman ka ng Diyos. Sa kritikal na sandaling ito, kailangan mong manindigan at makipagdigma sa mga Satanas, ilantad ang masasamang gawa ng mga anticristo, kondenahin at isumpa sila, huwag silang bigyan ng lugar na mapagtataguan, at alisin sila palayo sa iglesia. Ito lang ang maituturing na pagkamit ng tagumpay laban sa mga Satanas at pagwawakas sa kapalaran nila. Isa ka sa hinirang na mga tao ng Diyos, isang tagasunod ng Diyos. Hindi ka pwedeng matakot sa mga hamon; dapat kang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang ibig sabihin ng pagiging isang mananagumpay. Kung natatakot ka sa mga hamon at nakikipagkompromiso ka dahil natatakot ka sa paghihiganti ng masasamang tao o mga anticristo, kung gayon, hindi ka isang tagasunod ng Diyos, at hindi ka kabilang sa hinirang na mga tao ng Diyos. Wala kang kwenta, mas mababa ka pa kaysa sa mga tagapagserbisyo. Pwedeng sabihin ng ilang duwag, “Napakalakas ng mga anticristo; kaya nilang gawin ang anumang bagay. Paano kung maghiganti sila sa akin?” Salita ito ng magulo ang isipan. Kung natatakot ka sa paghihiganti ng mga anticristo, nasaan ang pananalig mo sa Diyos? Hindi ba’t pinrotektahan ka ng Diyos sa buong buhay mo? Hindi ba’t nasa mga kamay rin ng Diyos ang mga anticristo? Kung hindi ito pinahihintulutan ng Diyos, ano ang magagawa nila sa iyo? Dagdag pa rito, gaano man kasama ang mga anticristo, ano ba talaga ang kaya nilang gawin? Hindi ba’t masyadong madali para sa hinirang na mga tao ng Diyos na magkaisa at ilantad, at pangasiwaan sila? Kung gayon, bakit ka matatakot sa mga anticristo? Ang mga gayong tao ay walang kwenta at hindi karapat-dapat na sumunod sa Diyos. Umuwi ka na lang, palakihin mo ang mga anak mo, at mamuhay ka nang tahimik. Sa harap ng panggugulo ng mga anticristo sa gawain ng iglesia at pamiminsala sa hinirang na mga tao ng Diyos, paano dapat tumugon ang hinirang na mga tao ng Diyos sa masasamang gawa ng mga anticristo? Paano dapat manindigan sa patotoo nila ang mga sumusunod sa Diyos? Paano nila dapat labanan ang mga puwersa ni Satanas at ang mga anticristo? Nagpapasakop ka man at nagiging tapat sa Diyos o nakaupo ka lang sa tabi-tabi at ipinagkakanulo mo ang Diyos—ganap na mabubunyag ang mga ito kapag nanggugulo, gumagawa ng masama, at sumasalungat sa Diyos ang mga anticristo. Kung hindi ka isang taong nagpapasakop sa Diyos at tapat sa Kanya, kung gayon, isa kang taong nagkakanulo sa Kanya. Walang ibang pagpipilian. Ang ilang naguguluhang indibidwal at iyong mga walang pagkilatis ay pinipiling maging nyutral sa paninindigan nila at hindi sila makapagdesisyon. Sa mga mata ng Diyos, walang katapatan sa Diyos at mga taksil sa Kanya ang mga taong ito. Ang ilang naguguluhang indibidwal, dahil sa karuwagan nila, ay natatakot sa pagpaparusa ng mga anticristo, at paulit-ulit nilang itinatanong sa puso nila, “Ano ang gagawin ko?” Hindi dapat ganito ang itinatanong mo. Ano ba ang dapat mong gawin? (Tuparin ang sarili naming mga tungkulin, lubusang ilantad ang masasamang gawa ng mga anticristo, bigyang-kakayahan ang mga kapatid na matutong magsagawa ng pagkilatis, at itakwil ang mga anticristo. Hindi kami dapat mag-alala sa sarili naming seguridad. Ang pinakamahalagang bagay na dapat naming isaalang-alang ay kung paano tuparin ang tungkulin namin kapag ginugulo ng masasamang tao ang gawain ng iglesia.) Paano kung nakakaapekto ito sa pamilya mo? (Dapat walang pag-aalinlangan naming gampanan ang tungkulin namin. Hindi namin dapat isantabi ang tungkulin namin o hindi kami dapat mabigong manindigan sa patotoo namin dahil lang sa mga mapagmahal na pag-aalaala para sa seguridad ng pamilya namin.) Tama. Una sa lahat, dapat kang manindigan sa patotoo mo at dapat mong labanan ang mga anticristo at masasamang tao hanggang sa huli, para hindi sila magkaroon ng puwang sa sambahayan ng Diyos. Kung handa silang magtrabaho, hayaan silang gawin ito ayon sa mga panuntunan, at gawin ang anumang kaya nilang gawin. Kung ayaw nilang magtrabaho, kailangang magkaisa ang lahat at patalsikin ang mga anticristo para hindi sila makagambala, makagulo, o makasira sa gawain ng iglesia sa sambahayan ng Diyos. Ito ang unang bagay na dapat mong gawin at ang patotoo na dapat mong panindigan. Dagdag pa rito, kailangan mong maunawaan na ang pamilya at buhay mo ay pawang nasa mga kamay ng Diyos, at hindi nangangahas si Satanas na kumilos nang padalus-dalos. Sinabi ng Diyos: “Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos.” Hanggang saan mo magagawang paniwalaan ang mga salitang ito? Ibinubunyag ng pakikipaglaban sa mga anticristo at masasamang tao ang laki ng iyong pananalig. Kung mayroon kang tunay na pananampalataya sa Diyos, kung gayon, may tunay kang pananalig. Kung maliit lang ang iyong pananampalataya sa Diyos, at malabo at hungkag ang pananampalatayang iyon, kung gayon, wala kang tunay na pananalig. Kung hindi ka naniniwala na may kakayahan ang Diyos na magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng ito at na nasa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos si Satanas, at natatakot ka pa rin sa mga anticristo at masasamang tao, natitiis mo ang paggawa nila ng kasamaan sa iglesia, ang panggugulo at pagsira nila sa gawain ng iglesia, at kaya mong makipagkompromiso kay Satanas o magmakaawa rito para protektahan ang iyong sarili, nang hindi ka naglalakas-loob na tumindig at labanan siya, at kung ikaw ay naging isang taong lumilisan, mapagpalugod ng mga tao, at isang tagamasid, kung gayon ay wala kang tunay na pananampalataya sa Diyos. Nagiging kuwestiyonable ang pananampalataya mo sa Diyos, dahilan para maging kaawa-awa ang iyong pananampalataya! Kapag nakikita mo ang mga anticristo at masasamang tao na nanggugulo at nanggagambala sa sambahayan ng Diyos ngunit nananatili kang walang pakialam; kapag ipinagkakanulo mo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ng Kanyang hinirang na mga tao na tao para protektahan ang sarili mong buhay, pamilya, at lahat ng sarili mong interes, kung gayon ay nagiging taksil ka, isang Hudas. Malinaw at kitang-kita ito. Madalas tayong nagbabahaginan at naghihimay-himay tungkol sa mga anticristo at masasamang tao, tinatalakay natin kung paano sila makilatis at makilala, lahat ng ito ay para makapagbahaginan nang malinaw tungkol sa katotohanan, at mabigyan ang mga tao ng pagkilatis laban sa masasamang tao at mga anticristo, para mailantad sila ng mga tao. Sa ganitong paraan, hindi na malilihis o magugulo ng mga anticristo ang hinirang na mga tao na tao ng Diyos, at makakalaya na sila mula sa impluwensiya at pagkaalipin ni Satanas. Gayunpaman, may mga pilosopiya pa rin ang ilang tao para sa mga makamundong pakikitungo sa puso nila. Hindi nila sinusubukang kilatisin ang masasamang tao at mga anticristo; sa halip, ginagampanan nila ang papel ng mga mapagpalugod ng mga tao. Hindi sila nakikipaglaban sa mga anticristo, hindi sila nagtatakda ng malinaw na distansiya sa kanila, at pinipili nila ang isang nyutral at maingat na paraan para mapangalagaan ang kanilang sariling mga interes. Hinahayaan nila ang mga diyablong ito—ang masasamang tao at mga anticristong ito—na manatili sa sambahayan ng Diyos, nag-aanyaya ng panganib sa pamamagitan ng pag-aalaga sa mga diyablo. Hinahayaan nila ang mga diyablong ito na walang habas na guluhin ang gawain ng iglesia at ang paggawa ng mga kapatid sa kanilang mga tungkulin. Anong papel ang ginagampanan ng mga gayong tao? Nagiging sanggalang sila para sa mga anticristo at mga kasabwat ng mga anticristo. Bagamat pwedeng hindi mo ginagawa ang mga bagay na katulad sa mga anticristo o ginagawa ang katulad na masasamang gawa, may parte ka sa kanilang masasamang gawa—ikaw ay kinokondena. Kinukunsinti at ikinakanlong mo ang mga anticristo, hinahayaan silang maghasik ng kaguluhan sa paligid mo nang hindi gumagawa ng anumang aksiyon o anumang bagay. Hindi ba’t may parte ka sa kasamaan ng mga anticristo? Ito ang dahilan kung bakit nagiging kasabwat ng mga anticristo ang ilang huwad na lider at ang mga mapagpalugod ng mga tao. Ang sinumang nakakasaksi sa mga anticristo na nanggugulo sa gawain ng iglesia ngunit hindi naglalantad sa mga anticristo o nagtatakda ng malinaw na distansiya mula sa mga ito ay nagiging alipores at kasabwat ng mga ito. Wala silang pagpapasakop at katapatan sa Diyos. Sa mga kritikal na sandali ng labanan sa pagitan ng Diyos at ni Satanas, pumapanig sila kay Satanas, pinoprotektahan nila ang mga anticristo at ipinagkakanulo ang Diyos. Kinasusuklaman ng Diyos ang mga gayong tao.

Kapag nahaharap sa pagpupungos ang mga anticristo, kadalasan ay nagpapakita sila ng matinding pagtutol, at pagkatapos ay tinatangka nilang gawin ang lahat para ipagtanggol ang kanilang sarili, at gumagamit sila ng mga maling argumento at mahusay na pananalita para ilihis ang mga tao. Medyo karaniwan ito. Ang pagpapamalas ng pagtanggi ng mga anticristo na tanggapin ang katotohanan ay lubos na naglalantad sa kanilang satanikong kalikasan na pagkamuhi at pagiging tutol sa katotohanan. Ganap na kauri sila ni Satanas. Anuman ang ginagawa ng mga anticristo, nabubunyag ang kanilang disposisyon at diwa. Lalo na sa sambahayan ng Diyos, lahat ng ginagawa nila ay kumokontra sa katotohanan, kinokondena ng Diyos, at isang masamang gawa na lumalaban sa Diyos, at lahat ng bagay na ito na ginagawa nila ay lubos na nagpapatibay na ang mga anticristo ay mga Satanas at demonyo. Samakatwid, talagang hindi sila masaya at tiyak na hindi sila handa na tumanggap ng pagpupungos, ngunit dagdag pa sa pagtutol at pagsalungat, kinamumuhian din nila ang mapungusan, kinamumuhian ang mga nagpupungos sa kanila, at kinamumuhian ang mga naglalantad sa kanilang kalikasang diwa at ang mga naglalantad sa kanilang masasamang gawa. Iniisip ng mga anticristo na sinumang naglalantad sa kanila ay pinahihirapan lang sila, kaya nakikipagkompetensiya at nakikipaglaban sila sa sinumang naglalantad sa kanila. Dahil sa ganitong kalikasan ng mga anticristo, hindi sila kailanman magiging mabait sa sinumang nagpupungos sa kanila, ni hindi sila magpaparaya o magtitiis sa sinumang gumagawa nito, lalo nang hindi nila pasasalamatan o pupurihin ang sinumang gumagawa nito. Bagkus, kung pinupungusan sila ng sinuman at nawawalan sila ng dignidad at napapahiya sila, magtatanim sila ng galit sa taong ito sa puso nila, at nanaisin nilang maghanap ng pagkakataong paghigantihan siya. Napakalaki ng galit nila sa iba! Ito ang iniisip nila, at hayagan nilang sasabihin sa harap ng iba, “Ngayon ay napungusan mo na ako, kaya, ngayon ay nakataga na sa bato ang away natin. Humayo ka kung saan mo gusto, at hahayo ako kung saan ko gusto, pero isinusumpa kong maghihiganti ako! Kung ipagtatapat mo sa akin ang kasalanan mo, magyuyuko ka ng ulo sa akin, o luluhod ka at magmamakaawa sa akin, patatawarin kita, kung hindi ay hinding-hindi ko ito palalagpasin!” Anuman ang sabihin o gawin ng mga anticristo, hindi nila itinuturing na ang mapagmalasakit na pagpupungos sa kanila ng sinuman o ang taos-pusong tulong ng sinuman bilang pagsapit ng pagmamahal at pagliligtas ng Diyos. Sa halip, ang tingin nila rito ay isang tanda ng pagkapahiya, at bilang sandali kung kailan sila lubusang ipinahiya. Ipinapakita nito na hindi talaga tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan, ang disposisyon nila ay pagiging tutol at pagkamuhi sa katotohanan. Nakatagpo na ba kayo ng masasamang tao o mga anticristo na gumanti sa iba dahil pinungusan sila? (Oo.) Paano sila gumanti? Kakila-kilabot ba ang pamamaraan nila ng paghihiganti? (Oo, kakila-kilabot ito. Nakatagpo ako minsan ng anticristo na gumawa ng masasamang gawa sa iglesia, at pagkatapos ilantad ng lider ng iglesia ang pag-uugali niya, nagsimula siyang magpakalat ng tsismis sa loob ng iglesia, sinasabi niyang hindi gumawa ng totoong gawain ang lider na ito, at na bumibigkas ng mga salita at doktrina para dalhin ang mga tao sa harapan nito. Pagkatapos, nang ilantad namin ang anticristong ito, noong una ay nagawa niyang magbalatkayo, pero nang magpatuloy kami sa paglalantad sa kanya, pinagbantaan niya kami, sabi niya, “May istasyon ng pulis sa likod ng bahay ko, madalas silang pumunta sa bahay ko.” Ang ibig niyang sabihin, kung muli namin siyang ilalantad, isusumbong niya kami sa mga pulis. Nabunyag ang kalupitan niya.) (Nakatagpo ako minsan ng isang anticristo. May isang sister na nagsulat ng liham para iulat siya, at nang makita niya ang liham na ito, nagkataong may nangyaring peligro sa lugar kung saan nakatira ang sister na ito, kaya tinipon niya ang lahat ng pangunahing katrabaho sa iglesia at sinabi niya, “Bakit biglang nagkaroon ng peligro sa lugar kung saan nakatira ang sister na ito matapos siyang magsulat ng liham para iulat ako? Talagang hindi gumagawa ang diyos ng walang saysay na gawain; marahil ay ibubunyag niya ang isang tao!” Pagkatapos, nagsabi siya ng ilang mapanulsol na bagay na nagbunsod sa lahat na sisihin ang sister, naniniwalang ang sister ang may problema. Sa huli, tinanggal at pinaalis ang sister na ito, at hindi na pinansin at inasikaso ang kanyang liham. Pagkatapos, inihambing namin ang sinabi ng anticristo mula umpisa hanggang dulo, at natuklasan namin na iba-iba ang sinasabi niya sa bawat isa sa amin. Nakita namin na talagang napakasama at napakamapanlinlang niya. Sa wakas, nakilala namin siya sa pamamagitan ng pagbabahaginan, at makatarungang napangasiwaan ang usapin.) Ngayon, kumpirmado nang masasamang tao ang lahat ng anticristo, at hangga’t may hawak na kapangyarihan ang masasamang tao, pawang mga anticristo sila.

Kapag nagdudulot ng mga kaguluhan sa iglesia ang mga anticristo, mabuti ba o masama ang bagay na iyon? (Masama.) Paano iyon naging masama? Nagkamali ba ang Diyos? Hindi ba maingat na nagbantay ang Diyos, at pinayagan ba Niyang makapasok ang mga anticristo sa sambahayan Niya? (Hindi ganoon.) Kung gayon, ano ang nangyayari? (Pinahihintulutan ng Diyos ang mga anticristo na makapasok sa iglesia upang lumago tayo sa pagkilatis, matuto tayo kung paano makilala ang kanilang kalikasang diwa, hindi hayaang lokohin tayong muli ni Satanas, at magawa nating manindigan sa ating patotoo sa Diyos. Ito ang pagliligtas ng Diyos sa atin.) Palagi nating sinasabi kung gaano kabuktot, kalupit, at kamapanira si Satanas, na tutol at namumuhi si Satanas sa katotohanan, pero nakikita mo ba ito? Nakikita mo ba kung ano ang ginagawa ni Satanas sa espirituwal na mundo? Kung paano ito nagsasalita at kumikilos, kung ano ang saloobin nito sa katotohanan at sa Diyos, kung saan nakalagak ang kabuktutan nito—hindi mo nakikita ang anuman sa mga bagay na ito. Kaya, paano man namin sabihin na buktot si Satanas, na nilalabanan nito ang Diyos, at na tutol ito sa katotohanan, sa iyong isipan, isa lamang itong pahayag. Wala itong tunay na larawan. Napakahungkag nito, at hindi ito praktikal; hindi ito maaaring magsilbing isang praktikal na sanggunian. Ngunit kapag nakaugnayan ng isang tao ang isang anticristo, nakikita niya nang medyo mas malinaw ang buktot at malupit na disposisyon ni Satanas, at ang diwa nito na tutol sa katotohanan, at ang pagkaunawa niya kay Satanas ay medyo mas matalas at praktikal. Kung wala ang mga tunay na tao at halimbawang ito na nakakasalamuha at nakikita ng mga tao, ang kanilang di-umano’y pagkaunawa sa katotohanan ay magiging malabo, hungkag, at hindi praktikal. Ngunit kapag tunay na nakakaugnayan ng mga tao ang mga anticristo at masasamang taong ito, nakikita nila kung paano gumagawa ng masama at lumalaban sa Diyos ang mga ito, at natutukoy nila ang kalikasang diwa ni Satanas. Nakikita nila na ang masasamang tao at anticristong ito ay si Satanas na nagkatawang-tao—na ang mga ito ang mga buhay na Satanas, ang mga buhay na diyablo. Maaaring magkaroon ng gayong epekto ang pakikipag-ugnayan sa mga anticristo at masasamang tao. Kapag nagkatawang-tao si Satanas bilang isang masamang tao o anticristo, napakalaki ng kakayahan ng katawang laman nito, pero kaya pa rin nitong gumawa ng napakaraming masamang bagay, at magdulot ng napakaraming problema, at maging napakabuktot at mapanira sa asal at gawa. Samakatwid, ang kasamaang ginagawa ni Satanas sa espirituwal na mundo ay tiyak na higit na mas masahol nang isang daan o isang libong beses kaysa sa kabuuan ng mga nagawa ng lahat ng masamang tao at anticristo na namumuhay sa laman. Kaya, ang mga aral na natututunan ng mga tao sa pakikisalamuha sa masasamang tao at mga anticristo ay malaking tulong sa kanila na magkaroon ng pagkilatis at malinaw na makita ang mukha ni Satanas. Dahil dito, natututo ang mga tao na kumilatis kung anong mga bagay ang positibo at kung anong mga bagay ang negatibo, kung ano ang kinasusuklaman ng Diyos at kung ano ang kaaya-aya para sa Kanya, kung ano ang katotohanan at kung ano ang maling paniniwala, kung ano ang katarungan at kung ano ang kabuktutan, kung ano mismo ang kinamumuhian ng Diyos at kung ano mismo ang minamahal Niya, kung sino ang mga taong itinatakwil at itinitiwalag ng Diyos, at kung sino ang mga sinasang-ayunan at nakakamit Niya. Walang saysay na subukang intindihin ang mga katanungang ito sa pamamagitan lamang ng mga doktrina. Dapat maranasan ng isang tao ang maraming bagay, lalo na ang panlilihis at panggugulo ng masasamang tao at mga anticristo. Kapag nagkaroon ng tunay na pagkilatis ang isang tao, saka lang siya makakaunawa sa maraming katotohanan at magkakaroon ng mas malalim at praktikal na pagkaunawa sa kung ano ang hinihingi ng Diyos at kung ano ang nais Niyang makamit. Hindi ba’t humahantong ito sa mas malalim na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos? Dahil dito, hindi ba’t mas makatitiyak ka na ang Diyos ang katotohanan at ang Siyang pinakakaibig-ibig? (Oo.) Tinuturuan ng Diyos ang mga tao ng mga aral at ng pagkilatis habang dinaranas nila ang mga bagay-bagay, at tiyak na sinasanay rin Niya ang mga tao habang ibinubunyag ang iba’t ibang uri ng tao. Kapag nakakatagpo ng ilang tao ang isang masamang tao o isang anticristo, hindi sila naglalakas-loob na ilantad o tukuyin ito, at hindi sila naglalakas-loob na makipag-ugnayan dito. Natatakot sila, at sinusubukan na lang nilang iwasan ang taong ito, na parang nakakita sila ng makamandag na ahas. Masyadong mahina ang loob ng mga gayong tao para matuto ng mga aral, at hindi sila magkakaroon ng pagkilatis. Kapag nakakatagpo ang ilang tao ng isang masamang tao o isang anticristo, hindi nila binibigyang-pansin ang pagkatuto ng mga aral o pagkakaroon ng pagkilatis; pinapairal nila ang init ng ulo nila sa pakikitungo nila sa masamang tao o anticristo, at kapag dumating ang oras para ilantad at tukuyin ang isang anticristo, wala silang silbi at wala silang magawang anumang praktikal na bagay. Nakikita ng ilang tao na gumagawa ng malaking kasamaan ang isang anticristo, at nakakaramdam sila ng pagtutol dito sa puso nila, pero pakiramdam nila ay wala talaga silang magagawa tungkol dito, na hindi sila puwedeng makialam. Dahil dito, arbitraryo silang pinaglalaruan ng anticristo, at patuloy nila itong tinitiis at tinatanggap na lamang nila ang sitwasyon. Pinahihintulutan nila ang anticristo na kumilos nang walang ingat at guluhin ang gawain ng iglesia, at hindi nila ito inuulat o inilalantad. Nabigo sila sa responsabilidad at tungkulin nila bilang mga tao. Sa madaling salita, kapag ang masasamang tao at mga anticristo ay gumagawa ng kaguluhan at kumikilos ayon sa gusto nila, ibinubunyag nito ang iba’t ibang uri ng tao, at siyempre, nagiging pagsasanay rin ito para sa mga taong naghahangad sa katotohanan at may pagpapahalaga sa katarungan, binibigyang-kakayahan silang lumago sa pagkilatis at kabatiran, may matutunan, at maunawaan ang mga layunin ng Diyos mula rito. Aling mga layunin ng Diyos ang naunawaan na nila? Ipinakita sa kanila na hindi inililigtas ng Diyos ang mga anticristo, kundi ginagamit lamang ng Diyos ang mga anticristo para magserbisyo, at na kapag natapos na ang mga anticristo sa pagseserbisyo, ibinubunyag at itinitiwalag sila ng Diyos, at pinarurusahan sila sa huli, sapagkat sila ay masasamang tao at kay Satanas. Ang inililigtas ng Diyos ay isang grupo ng mga tao na, sa kabila ng mga tiwaling disposisyon nila, ay nagmamahal sa mga positibong bagay, at kumikilala na ang Diyos ang katotohanan, at nagpapasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos, at na, pagkatapos makagawa ng pagsalangsang ay nagagawang tunay na magsisi. Kayang tanggapin ng mga taong ito ang mapungusan, mahatulan at makastigo, at higit pa rito, nagagawa nila itong harapin nang tama kapag inilalantad sila o kapag tinutukoy ng ibang tao ang mga isyu nila. Ang mga taong kayang tumanggap nito at magpasakop dito, at matuto mula rito, paano man gumagawa ang Diyos—ito ang grupo ng mga taong tunay na sumusunod sa Diyos, dumaranas ng Kanyang gawain, at nakakamit Niya.

Dito nagtatapos ang pagbabahaginan natin sa mga pagpapamalas ng kung paano tinatrato ng mga anticristo ang pagkakapungos. Kalaunan, makakakita kayo ng ilang halimbawa na personal ninyong nakita o naranasan, at mahihimay ninyo ang mga ito at magbabahaginan kayo tungkol sa mga ito batay sa diwa ng mga ito, upang magkaroon ng pagkilatis ang mga kapatid. Ano ang layon ng pagkakaroon nila ng pagkilatis? Para bigyang-kakayahan ang mas maraming tao na itakwil ang mga anticristo, hadlangan at limitahan ang masasamang gawa nila sa iglesia, at pigilan sila na magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa iglesia at sa mahahalagang lugar kung saan gumagawa ang mga tao ng mga tungkulin, o na magdulot ng anumang kawalan sa gawain ng iglesia. Ito ay tinatawag na pagsugpo sa mga anticristo at masasamang tao. Bagamat karamihan sa mga anticristo ay hindi hayagang nanghusga o lumaban sa Diyos sa iglesia, palihim silang gumagawa ng maraming kasamaan. Ginugulo nila ang buhay-iglesia, at hinahadlangan at ginugulo nila ang mga lider at manggagawa na nagbabahagi sa katotohanan at kumikilos ayon sa mga prinsipyo. Nagsasabi sila ng mga komentong hindi pinag-isipan at mga arbitraryong panghuhusga sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kinokondena pa nga nila ang mga lider at manggagawa, nililihis ang hinirang na mga tao ng Diyos, at ginugulo ang gawain ng iglesia, na nakakaapekto sa mga resulta ng paggawa ng hinirang na mga tao ng Diyos sa kanilang mga tungkulin. Ito ang malaking kasamaan ng panggugulo sa gawain ng Diyos. Dapat malaman ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos na malaking kasamaan ang ginagawang kasamaan ng mga anticristo, isang di-mapapatawad na kasamaan na hindi matutubos. Kaya naman, palaging pakay ng pagsugpo at paghihigpit sa sambahayan ng Diyos ang mga anticristo. Kailangang mapatalsik ang mga anticristo mula sa iglesia—naaayon ito sa layunin ng Diyos. Kung tinutulutan ang mga anticristo na maging sutil at arbitraryo sa isang iglesia, na sumigaw ng anumang islogan at argumentong nais nila para kontrolin at pagbantaan, o ilihis at iligaw ang mga kapatid, at binabalewala ito ng mga lider at manggagawa at hindi sila kumikilos, at hindi sila naglalakas-loob na ilantad o pigilan ang mga anticristo sa takot na masalungat ang mga ito, at dahil dito, arbitraryong pinaglalaruan at ginugulo ng mga anticristo ang mga kapatid sa iglesiang iyon, kung gayon, mapagpalugod ng mga tao ang mga lider ng iglesiang iyon, mga basura sila na dapat itiwalag. Kung mayroong pagkilatis sa mga anticristo at masasamang tao ang mga lider ng isang iglesia, at binibigyang-kakayahan nila ang hinirang na mga tao ng Diyos na tumindig at ilantad ang mga ito, at alisin ang mga diyablo para maprotektahan ang gawain ng sambahayan ng Diyos, kung gayon, maipapahiya nito ang mga diyablo at si Satanas, at matutugunan din nito ang layunin ng Diyos. Ang mga lider ng iglesiang ito ay mga kuwalipikadong lider na nagtataglay ng katotohanang realidad. Kung nagdurusa ang isang iglesia dahil sa panggugulo ng isang anticristo, at pagkatapos na matukoy at maitakwil ng mga kapatid, galit na galit na ginagantihan, inaapi, at kinokondena ng anticristo ang mga kapatid, at kung walang ginagawa ang mga lider ng iglesia, kung nagbubulag-bulagan sila, at umiiwas silang masalungat ang sinuman, kung gayon, mga huwad na lider ang mga lider na iyon. Mga basura sila at dapat itiwalag. Bilang isang lider ng iglesia, kung hindi magagamit ng isang tao ang katotohanan para lutasin ang mga problema, kung hindi niya kayang tukuyin, limitahan, at ibukod ang mga anticristo, kung hahayaan niya ang mga anticristo na malayang gawin ang anumang nais ng mga ito sa loob ng iglesia, mag-amok, at kung hindi niya maprotektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa pagkalihis, at hindi rin niya maprotektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos para magawa nila nang normal ang tungkulin nila—at, dagdag pa rito, kung hindi niya kayang panatilihin ang normal na pag-usad ng gawain ng iglesia—kung gayon, basura ang lider na iyon at dapat na itiwalag. Kung ang mga lider ng iglesia ay takot na ilantad, pungusan, limitahan, at aksiyonan ang isang anticristo dahil mabagsik at malupit ang anticristo, at kaya tinutulutan nila itong magwala sa iglesia, maging tirano, gawin ang anumang nais nito, at iparalisa ang karamihan sa gawain ng iglesia, pinatitigil ang gawain, kung gayon, ang mga lider ng iglesiang ito ay mga basura din at dapat na itiwalag. Kung, dahil sa takot sa paghihiganti ay hindi kailanman nagkakaroon ng lakas ng loob ang mga lider ng iglesia na ilantad ang isang anticristo, at hindi nila kailanman sinubukang pigilan ang masasamang gawa ng anticristo, na humantong sa malaking hadlang, kaguluhan, at pinsala sa buhay-iglesia at sa buhay pagpasok ng mga kapatid, kung gayon, basura din ang mga lider ng iglesiang ito at dapat itiwalag. I-eendorso ba ninyo na patuloy na mamuno ang mga gayong tao? (Hindi.) Kung gayon, ano ang dapat ninyong gawin kapag nakatagpo kayo ng mga ganitong lider? Dapat mo silang tanungin, “Gumagawa ng napakalaking kasamaan ang mga anticristo, kumikilos sila nang walang pakundangan sa iglesia, sinusubukan nilang mangibabaw—nagagawa mo bang pigilan sila? May lakas ka ba ng loob na ilantad sila? Kung hindi ka maglalakas-loob na umaksiyon laban sa kanila, dapat kang magbitiw. Magbitiw ka na agad. Kung pinoprotektahan mo lang ang sariling mga interes ng laman mo at ibinibigay mo ang mga kapatid sa mga anticristo at masasamang tao dahil natatakot ka sa mga anticristo, kung gayon, dapat kang isumpa. Hindi ka angkop na maging lider—isa kang basura, isang patay na tao!” Dapat ilantad at tanggalin ang mga gayong huwad na lider. Hindi sila gumagawa ng totoong gawain; kapag nahaharap sa masasamang tao, hindi nila pinoprotektahan ang mga kapatid, bagkus ay lumuluhod sila sa harap ng masasamang tao, nagpapahinuhod sa mga ito, at nagmamakaawa, namumuhay ng isang walang dangal na pag-iral. Basura ang mga gayong lider. Mga taksil sila, at dapat silang itakwil.

Sunod, pagbabahaginan natin ang isa pang punto, iyon ay kung paano nailalantad ang saloobin ng mga anticristo sa mga kinabukasan at kapalaran nila kapag pinupungusan sila. Ang ilang anticristo na nagtatrabaho sa sambahayan ng Diyos ay tahimik na nagpapasyang kumilos nang napakaingat, para maiwasang magkamali, mapungusan, galitin ang Itaas o mahuli ng kanilang mga lider na gumagawa ng masama, at tinitiyak nila na may nanonood kapag gumagawa sila ng mabubuting gawa. Subalit, gaano man sila kaingat, dahil mali ang kanilang mga motibo at ang landas na kanilang tinatahak, at dahil nagsasalita at kumikilos lamang sila alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan at hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan, madalas nilang labagin ang mga prinsipyo, gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia, kumilos bilang mga alipin ni Satanas at madalas pa ngang gumawa ng maraming pagsalangsang. Lubhang karaniwan at napakatipikal para sa gayong mga tao na lumabag nang madalas sa mga prinsipyo at gumawa ng mga pagsalangsang. Kaya, mangyari pa, napakahirap para sa kanila na iwasang mapungusan. Nakita nila na nabunyag at natiwalag ang ilang anticristo dahil mahigpit na pinungusan ang mga ito. Nakita ng sarili nilang mga mata ang mga bagay na ito. Bakit kumikilos nang napakaingat ang mga anticristo? Ang isang tiyak na dahilan ay na natatakot ang mga ito na mabunyag at matiwalag. Iniisip ng mga ito, “Kailangan kong mag-ingat—tutal, ‘Sa pag-iingat nagmumula ang kaligtasan’ at ‘Ang mabubuti ay may mapayapang buhay.’ Kailangan kong sundin ang mga prinsipyong ito at paalalahanan ang sarili ko sa bawat sandali na iwasang gumawa ng mali o mapasok sa gulo, at kailangan kong pigilan ang aking katiwalian at mga intensyon at huwag hayaan na makita ang mga ito ng sinuman. Basta’t hindi ako gumagawa ng mali at magtitiyaga ako hanggang sa huli, magtatamo ako ng mga pagpapala, makaiiwas sa mga kapahamakan, at mayroon akong makakamit sa aking pananampalataya sa diyos!” Madalas nilang himukin ang kanilang sarili, engganyuhin at hikayatin ang kanilang sarili sa ganitong paraan. Sa loob-loob, naniniwala sila na kung gagawa sila ng mali, labis na mababawasan ang kanilang mga pagkakataong magtamo ng mga pagpapala. Hindi ba ito ang kalkulasyon at paniniwalang nasa kaibuturan ng kanilang puso? Kung isasantabi kung tama ba o mali ang kalkulasyon o paniniwalang ito ng mga anticristo, batay rito, ano ang lubos nilang ipag-aalala kapag pinupungusan sila? (Ang kanilang kinabukasan at kapalaran.) Iniuugnay nila ang mapungusan sa kanilang mga kinabukasan at kapalaran—may kinalaman ito sa kanilang buktot na kalikasan. Iniisip nila sa kanilang sarili: “Pinupungusan ba ako nang ganito dahil ititiwalag na ako? Dahil ayaw sa akin ng mga tao? Patitigilin ba ako ng sambahayan ng diyos sa paggawa ng tungkuling ito? Hindi ba ako mukhang mapagkakatiwalaan? Papalitan ba ako ng ibang mas magaling? Kung ititiwalag ako, pagpapalain pa rin ba ako? Makapapasok pa rin ba ako sa kaharian ng langit? Mukhang hindi naging masyadong kasiya-siya ang aking pagganap, kaya kailangan kong maging mas maingat sa hinaharap, at matutong maging masunurin at kumilos nang maayos, at hindi gumawa ng gulo. Kailangan kong matutong maging mapagpasensiya, at patuloy na mabuhay sa pamamagitan ng pag-iwas sa gulo. Araw-araw, kapag gumagawa ako ng mga bagay-bagay, kailangan kong maging lubos na maingat. Hindi ako maaaring maging kampante. Bagama’t walang-ingat kong nailantad ang sarili ko sa pagkakataong ito atnapungusan ako, mukhang hindi naman masyadong strikto ang tono nila. Tila hindi gaanong malubha ang problema, tila may tsansa pa rin ako—makatatakas pa rin ako sa mga kapahamakan at mapagpapala pa rin, kaya dapat na tanggapin ko na lang ito nang mapagkumbaba. Mukhang hindi naman ako tatanggalin, lalong hindi ako ititiwalag o patatalsikin, kaya matatanggap ko ang mapungusan sa ganitong paraan.” Isang saloobin ba ito ng pagtanggap sa pagpupungos? Tunay ba itong pagkilala ng isang tao sa kanyang tiwaling disposisyon? Talaga bang pagnanais ito na magsisi at magbagong-buhay? Pagiging tunay na determinado ba itong kumilos ayon sa mga prinsipyo? Hindi. Kung gayon ay bakit sila kumikilos nang ganito? Dahil sa kaunting pag-asa na maaari nilang iwasan ang mga kapahamakan at mapagpapala sila. Hangga’t naroon pa rin ang kaunting pag-asa na iyon, hindi nila maaaring ilantad ang kanilang sarili, hindi nila maaaring ihayag ang tunay nilang pagkatao, hindi nila maaaring sabihin sa iba kung ano ang nasa kaibuturan ng kanilang puso, at hindi nila maaaring hayaang malaman ng iba ang kinikimkim nilang sama ng loob. Kailangan nilang itago ang mga bagay na ito, kailangan nilang mag-ingat sa pagkilos, at hindi tulutang makita ng iba ang tunay nilang pagkatao. Samakatwid, hindi talaga sila nagbabago matapos mapungusan, at patuloy nilang ginagawa ang mga bagay-bagay na tulad ng dati nilang ginagawa. Kaya, ano ang prinsipyo sa likod ng kanilang mga kilos? Para lamang protektahan ang sarili nilang mga interes sa lahat ng bagay. Anumang mga pagkakamali ang magawa nila, hindi nila ipinapaalam iyon sa iba; kailangan nilang ipaisip sa lahat ng nasa paligid nila na perpekto silang tao na walang mga kapintasan o depekto, at na hindi sila nagkakamali kailanman. Ganito sila kung magbalatkayo. Matapos ang matagal nilang pagbabalatkayo, nagiging tiwala sila na kahit papaano ay tiyak na makakaiwas sila sa kapahamakan, mapagpapala sila, at makapapasok sa kaharian ng langit. Ngunit dahil madalas nilang nilalabag ang mga prinsipyo sa mga kilos nila, nagulat sila nang mapungusan sila. Masakit para sa kanila ang mapungusan: “Labis na akong nagdusa; paano ninyo nagagawang pungusan ako? Bakit hindi pa nangyayari sa akin ang dakilang bagay ng pagtanggap ng mga pagpapala? Bakit napakalayo pa rin nitong mangyari sa akin? Kailan matatapos ang pagdurusang ito?” At kapag naririnig nila ang mga salita ng pagpupungos, iniisip nila, “Kung muli akong magiging pabasta-basta, at hindi ko hahangarin ang katotohanan, at sutil akong gagawa ng masasamang bagay na nakakagulo sa gawain ng sambahayan ng diyos, matitiwalag at mapapatalsik ako. Hindi ba’t mawawala sa akin ang mga kinabukasan at kapalaran ko? Ang lahat ng pagdurusang dinanas ko sa mga taon ng pananampalataya sa diyos ay magiging walang saysay lahat!” Paulit-ulit silang nagpapasensiya at nagpipigil sa sarili, at sa puso nila, sinasabi nila na, “Kailangan kong tiisin ito! Kailangan kong tiisin ito! Kung hindi ko ito titiisin, masasayang lang ang lahat ng pagdurusa at kawalang-katarungan na dinanas ko. Kailangan kong patuloy na magpursige. Kung magpupursige ako hanggang sa pinakahuli, maliligtas ako! Kung may magsasabi sa akin ng hindi kanais-nais na bagay, magpapanggap na lang ako na hindi ko siya narinig. Kikilos ako na parang hindi ako ang tinutukoy niya, kundi ang ibang tao.” Pero paano man sila makinig, pakiramdam pa rin nila na ang ibig sabihin nito ay wala silang hantungan. Pakiramdam nila, ang pagkakapungos sa kanila sa pagkakataong ito ay pagkokondena sa kanila; nakakaramdam sila ng kawalan ng pag-asa, hindi nila makita ang liwanag, walang kinabukasan at walang hinaharap. Sa sandaling ito, makakaya pa ba ng masasamang tao at mga anticristong ito na manatiling mapagpasensiya? (Hindi, hindi nila kaya. Nakikita nila na gumuho ang pag-asa nilang mapagpala, kaya hindi nila kayang manatiling mapagpasensiya.) Hindi lang ba talaga nila kayang manatiling mapagpasensiya? Hindi ba’t aaksiyunan nila ito? (Oo, aaksiyon sila.) Anong mga aksiyon ang maaaring gagawin nila? (Maaaring magpakalat sila ng pagkanegatibo, at maaaring ilihis nila ang ilang kapatid na walang pagkilatis na pumanig sa kanila, ipagtanggol sila, at ireklamo ang mga hinaing nila.) Tama, sa sandaling makaramdam sila ng kawalan ng pag-asa, aaksiyon sila. Iisipin nila: “Hindi mo ako sinasanay o inilalagay sa mahahalagang posisyon, at gusto mo rin akong itiwalag. Kung hindi ako pagpapalain, huwag mong isipin na pagpapalain ka! Kung hindi ako papanatilihin sa lugar na ito, may puwang para sa akin sa ibang lugar, pero kung aalis ako, magsasama ako ng dalawang tao sa pagbagsak ko. Hindi ka naging mabait sa akin, kaya gagawan din kita ng masama! Hindi ba’t gusto mo akong itiwalag? Pagbabayaran mo ang pagsasabi niyan!” Hindi na sila magtitimpi at magsisimula na silang magprotesta, at malalantad ang kalikasang diwa nila ng pagkamuhi sa katotohanan. Pagkatapos, maglalaho lahat ang kanilang kasigasigan, pagtalikod, ang kanilang mga paggugol, at ang kanilang pagdurusa at pagbabayad ng halaga habang gumuguho ang kanilang pag-asa na pagpalain. Sa sandaling iyon, makikita ng mga tao na ang dating kasigasigan nila sa paggugol ng sarili nila para sa Diyos at ang pagdurusa at pagbabayad nila ng halaga ay pawang huwad at isang pagkukunwari lamang.

Sa sandaling mapalitan o matiwalag ang mga anticristo, hindi na sila nagtitimpi at malaya silang nagrereklamo, at nalalantad ang malademonyo nilang katangian. Anong malademonyong katangian ang nalalantad? Dati, talagang hindi nila ginampanan ang mga tungkulin nila para maghangad sa katotohanan at magkamit ng kaligtasan, kundi para magkamit ng mga pagpapala, at sinasabi nila ngayon ang katotohanan tungkol dito at ibinubunyag ang totoong sitwasyon. Sinasabi nila: “Kung hindi ako nagsisikap na makapasok sa kaharian ng langit o makakuha ng mga pagpapala at dakilang kaluwalhatian kalaunan, makikisalamuha ba ako sa mga taong tulad ninyo na mas mababa pa kaysa sa dumi? Karapat-dapat ba kayo sa presensiya ko? Hindi ninyo ako sinasanay o binibigyan ng mataas na ranggo, at gusto ninyo akong itiwalag. Balang araw, ipapakita ko sa iyo na may kabayaran ang pagtitiwalag mo sa akin, at ipapakita ko ang mga kahihinatnan na pagdurusahan mo dahil dito!” Ipinapakalat ng mga anticristo ang mga ideyang ito, at lumalabas mula sa kanila ang mga maladiyablong salitang ito. Kapag hindi na sila makapagtimpi, nalalantad ang mapaminsala nilang kalikasan at malupit na disposisyon, at nagsisimula silang magpakalat ng mga kuru-kuro. Nagsisimula rin silang hikayatin ang mga bagong mananampalataya, na may medyo mababang tayog at walang pagkilatis, na hindi naghahangad sa katotohanan, at madalas na negatibo at mahina, at hinihikayat din nila ang mga palaging pabasta-basta sa mga tungkulin nila at hindi tunay na nananampalataya sa Diyos. Gaya ng sinabi nila mismo, “Kung ititiwalag mo ako, isasama ko sa pagbagsak ko ang ibang tao!” Hindi ba’t nabubunyag ang sataniko nilang kalikasan? Gagawin ba ito ng mga normal na tao? Sa pangkalahatan, nalulungkot at nasasaktan lang ang mga taong may mga tiwaling disposisyon kapag tinatanggal sila, naniniwala na wala na silang pag-asa, pero dahil sa konsensiya nila ay naiisip nila: “Kasalanan namin ito, hindi namin natupad ang mga tungkulin namin. Sa hinaharap, magsusumikap akong maging mas mahusay, at ang Diyos na ang bahala kung paano Niya ako tatratuhin at kung ano ang mga pagpapasya Niya para sa akin. Walang karapatan ang mga tao na humingi ng anuman sa Diyos. Hindi ba’t nakabatay sa mga pagpapamalas ng mga tao ang mga kilos ng Diyos? Kung tumatahak ang isang tao sa maling landas, nararapat lamang siyang disiplinahin at ituwid, walang duda rito. Ngayon, ang nakakalungkot ay mahina ang kakayahan ko at hindi ko matugunan ang mga layunin ng Diyos, at hindi ko nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo at kumikilos ako nang arbitraryo at sutil batay sa mga tiwaling disposisyon ko. Nararapat lang na itiwalag ako, pero umaasa ako na magkakaroon ako ng pagkakataong makabawi sa hinaharap!” Ang mga taong may maliit na konsensiya ay tatahak sa isang landas gaya nito. Pinipili nilang ikonsidera ang isyu sa ganitong paraan, at sa huli, pinipili rin nilang lutasin ang isyu sa ganitong paraan. Siyempre, hindi marami ang mga elemento ng pagsasagawa sa katotohanan sa loob nito, pero dahil mayroong konsensiya ang mga taong ito, hindi sila aabot sa puntong lalabanan nila ang Diyos, lalapastanganin ang Diyos, o sasalungatin ang Diyos. Pero hindi ganoon ang mga anticristo. Dahil mayroon silang malupit na kalikasan, likas silang antagonistiko sa Diyos. Kapag may banta sa mga kinabukasan at kapalaran nila o kapag inalis ang mga ito, kapag wala silang makitang anumang pag-asa na mabuhay, pinipili nilang magpakalat ng mga kuru-kuro, husgahan ang gawain ng Diyos, at udyukan ang mga hindi mananampalatayang kakampi nila na guluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos kasama nila. Tumatanggi pa nga silang panagutan ang anumang dati nilang maling gawa at mga pagsalangsang, pati na ang anumang kawalang idinulot nila sa gawain o ari-arian ng sambahayan ng Diyos. Kapag pinangangasiwaan at itinitiwalag sila ng sambahayan ng Diyos, sinasabi nila ang isang pangungusap na pinakamadalas na sinasabi ng mga anticristo. Ano ito? (Kung hindi ako papanatilihin sa lugar na ito, may puwang para sa akin sa ibang lugar.) Hindi ba’t isa rin itong maladiyablong pangungusap? Isa itong bagay na hindi kayang sabihin ng isang taong may normal na pagkatao, may pakiramdam ng kahihiyan, at may konsensiya. Tinatawag natin ang mga ito na mga maladiyablong salita. Ang mga ito ay iba’t ibang pagpapamalas ng malulupit na disposisyon na ibinubunyag ng mga anticristo kapag pinupungusan sila, at nararamdaman nila na nanganganib ang katayuan at reputasyon nila, na may banta sa katayuan at katanyagan nila, at lalo na, malapit na silang pagkaitan ng mga kinabukasan at kapalaran nila; kasabay nito, nalalantad ang kanilang hindi mananampalatayang diwa. Sa realidad, ang pagpupungos ng sambahayan ng Diyos sa mga tao ay ganap na dahil kumikilos sila nang sutil at arbitraryo sa paggampan ng mga tungkulin nila, kaya nagagambala at nagugulo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at hindi sila nagninilay-nilay o nagsisisi—saka lamang sila pinupungusan ng sambahayan ng Diyos. Sa sitwasyong ito, ang pagpupungos ba sa kanila ay nangangahulugang itinitiwalag sila? (Hindi.) Tiyak na hindi, dapat tanggapin ito ng mga tao nang positibo. Sa kontekstong ito, ang anumang pagpupungos, sa pamamagitan man ng Diyos o ng tao, nagmumula man ito sa mga lider at manggagawa o sa mga kapatid, ay hindi mapaminsala, kundi kapaki-pakinabang ito sa gawain ng iglesia. Ang magawang pungusan ang isang tao kapag kumilos ito nang sutil at arbitraryo at kapag ginulo nito ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ay isang makatarungan at positibong bagay. Isa itong bagay na dapat gawin ng mga matuwid na tao at ng mga nagmamahal sa katotohanan. Ngunit kapag hindi ito tinatanggap at sa halip ay sinusuway ito ng mga taong pinupungsan dahil sa mga pagsalangsang nila, na nagbubunga ng pagkamuhi at mapaghiganting pag-iisip, hindi ito wasto at buktot ito. Napakaraming taong gumagampan ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos—sino sa kanila ang hindi nakaranas na mapungusan? Ilang tao ang naging negatibo at masuwayin dahil pinungusan sila, o nagtangka pa ngang magpakamatay, na pakiramdam nila ay hindi sila pagpapalain at na wala silang pag-asa, at kaya gusto nilang isuko ang tungkulin nila, na maging bastos at mag-alboroto, at nagsimulang mamuhi sa iba, at gusto pa ngang maghiganti sa mga ito? Hindi talaga marami ang mga taong ganoon. Tanging masasamang tao ang makakagawa ng mga gayong bagay. Tanging masasamang tao ang tumuturing sa pagkakapungos bilang maling pagtrato ng mga taong mainitin ang ulo. Siyempre, nararapat ang lahat ng pagpupungos na binabanggit ng sambahayan ng Diyos, ginagawa ang lahat ng ito para sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng mga indibidwal. Isa itong positibong bagay na naaayon sa layunin ng Diyos, at ganap na ayon sa salita ng Diyos. Kapag pinupungusan ang mga anticristo, palagi nilang sinusubukang ipagtanggol ang reputasyon, katayuan, at dignidad nila, inuugnay nila ito sa sarili nilang mga interes, at lalo na sa mga kinabukasan at kapalaran nila. Kung nakasasama sa reputasyon, katayuan, at dignidad nila ang pagkakapungos, hindi nila ito kayang tanggapin. Kung matindi ang pagpupungos sa kanila, at hindi lang nito sinisira ang reputasyon, katayuan, at dignidad nila, kundi nagiging banta rin sa mga kinabukasan at kapalaran nila, mas lalo pang hindi nila ito kayang tanggapin. Sa madaling salita, kahit sino pa ang pumupungos sa kanila, hindi ito kayang tanggapin ng mga anticristo mula sa Diyos, hindi nila magawang pagnilayan at kilalanin ang sarili nila, na matuto ng mga aral mula sa pagkakapungos, na magtamo ng tunay na pagsisisi, o ng mas mahusay na paggampan sa mga tungkulin nila. Sa halip, nagtatalo ang kalooban nila at may saloobin sila ng pagsuway at pagtanggi na tanggapin ito. Ito ang saloobin ng mga anticristo sa pagkakapungos, at kumakatawan din ito sa saloobin nila sa katotohanan.

Pagdating sa pagpupungos, ano ang dapat malaman ng mga tao kahit papaano? Dapat maranasan ang pagkakapungos para magampanan nang sapat ang tungkulin ng isang tao—hindi puwedeng wala ito. Isa itong bagay na dapat harapin ng mga tao sa araw-araw at maranasan nang madalas para magtamo ng kaligtasan sa kanilang pananalig sa Diyos. Walang sinuman ang maaaring hindi mapungusan. Ang pagkakapungos ba sa isang tao ay isang bagay na may kinalaman sa kanyang kinabukasan at kapalaran? (Hindi.) Para saan ba ang pagpupungos sa isang tao? Ito ba ay para kondenahin siya? (Hindi, ito ay para tulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan at magawa ang kanilang tungkulin ayon sa mga prinsipyo.) Tama iyon. Iyon ang pinakatamang pagkaunawa ukol dito. Ang pagpupungos sa isang tao ay isang uri ng disiplina, isang uri ng pagtutuwid, at likas na isa rin itong uri ng pagtulong at paglunas sa mga tao. Ang pagkakapungos ay nagtutulot sa iyo na mabago mo kaagad ang maling paghahangad mo. Tinutulutan ka nitong agarang matanto ang mga problemang kasalukuyang mayroon ka, at tinutulutan kang makita kaagad ang mga tiwaling disposisyong ipinapakita mo. Anu’t anupaman, nakakatulong sa iyo ang pagkakapungos na malaman mo ang iyong mga pagkakamali at magawa mo ang iyong mga tungkulin ayon sa mga prinsipyo, maagap ka nitong pinipigilan na makapagdulot ng mga pagkalihis at na maligaw, at pinipigilan ka nito na makapagdulot ng mga trahedya. Hindi ba’t ito ang pinakamalaking tulong sa mga tao, ang kanilang pinakamalaking lunas? Dapat magawang tratuhin nang tama ng mga may konsensiya at katwiran ang pagkakapungos. Bakit hindi matanggap ng mga anticristo ang mapungusan? Dahil iniisip nila na ang pagkakapungos ay nagmumula sa tao at hindi sa Diyos. Iniisip nila na ang sinumang pumupungos sa kanila ay nagpapahirap sa buhay nila at nagpaparusa sa kanila. Batay sa mentalidad ng mga anticristo, tumatanggi silang tanggapin ang pagkakapungos sa pangunahing dahilan na hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Hindi sila natututo ng mga aral mula sa pagkakapungos, at hindi nila nagagawang kilalanin ang sarili nila o hanapin ang katotohanan. Ito ang pinagmumulan ng hindi nila pagtanggap sa pagkakapungos. Umiiral sa loob ng puso nila ang ganoon kalaking problema, na nagkukumpirma na tutol sa katotohanan at mapanlaban sa katotohanan ang kalikasang diwa ng mga anticristo.

Mayo 2, 2020

Sinundan: Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ibinebenta pa nga ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikapitong Bahagi)

Sumunod: Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ibinebenta pa nga ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikasiyam na Bahagi)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito