Ikawalong Aytem: Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Ikatlong Bahagi)

Mga Karagdagang Babasahin: Isang Pagsusuri tungkol sa Tradisyonal na Kultura sa Silangan at Kanluran

Sabihin mo sa Akin, ano ang katotohanan? Hindi ba’t nagbahaginan na tayo sa paksang ito noon? (Oo, nagbahaginan na tayo.) Kung gayon, sabihin ninyo sa Akin kung ano ang katotohanan sa mga sarili ninyong salita. (Ang katotohanan ay ang prinsipyo at ang pamantayan kung saan sinusukat ang lahat ng tao, mga pangyayari, at mga bagay.) Mabuti. Sino pa? May iba bang paraan ng paglalahad nito? Huwag ninyong isipin kung aling mga salita ng doktrina ang gagamitin, o kung aling linya ng mga salita ng Diyos ang pipiliin para sa inyong sagot, sumagot lang kayo gamit ang mga salita mula sa inyong sariling aktuwal na karanasan at aktuwal na pagkaunawa. Ayos lang kung hindi masyadong malalim ang mga ito. Sinasabi ng ilang tao, “Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan.” Kahit na tama ito, kung nagagawa mo lang sabihin ang mga salitang ito, subalit hindi nauunawaan ang aktuwal na kahulugan ng mga ito, pawang doktrina lang ang mga ito sa iyo. Ipagpatuloy pa natin ngayon ang usapan—ano ang katotohanan? Ano ang mga salita ng Diyos? Ano ang diwa ng mga salita ng Diyos? Ang katotohanan ba ang pamantayan na binubuo ng mga tao sa pamamagitan ng pag-iisip at pagsasaalang-alang? (Hindi, hindi iyon.) Ang katotohanan ba ay ang kabuuan ng naranasan ng mga tao at ang kaalamang nakamit nila, o isang uri ng kulturang panlipunan, o isang tradisyonal na kultura na ginawa sa loob ng isang tiyak na kontekstong panlipunan? (Hindi, hindi iyon.) Kung gayon, ang katotohanan ba ay ang mga prinsipyong binubuod ng mga tao sa sarili nila para sa kanilang asal at mga kilos? (Hindi, hindi iyon.) Kung gayon, ano ba talaga ito? Paano natin matutukoy ang mga prinsipyong binanggit dito, para magkaroon sila ng isang tiyak na kahulugan at malaman ng mga tao na ito ang katotohanan sa sandaling marinig nila ito? Paano natin ito maipaliliwanag nang maikli at tumpak para sa mga tao? (Pawang katotohanan ang mga hinihingi ng Diyos sa tao.) Pawang katotohanan ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, tama iyon, subalit paano mo iyon masasabi sa mas eksakto pang paraan? (Ang katotohanan ay ang realidad ng lahat ng positibong bagay.) Madalas itong sinasabi noon. Madalas nating sabihin na ang mga salita ng Diyos, ang Kanyang mga hinihingi sa tao, at ang realidad ng lahat ng positibong bagay ay ang katotohanan—ano pa ba ang mayroon doon? (Ang katotohanan ay ang pamantayan at ang landas kung paano dapat harapin ng mga tao ang mga usapin at kung paano dapat umasal.) Ang katotohanan ay ang pamantayan at ang landas kung paano dapat harapin ng mga tao ang mga usapin at paano sila dapat umasal, tama rin ito. Ngayon pagsamahin ang lahat ng aspektong ito at ipaliwanag ang katotohanan sa isang maikling pangungusap. (Ang Diyos ang katotohanan.) Ang Diyos ang katotohanan; medyo masyadong malawak ito, masyadong pangkalahatan. Kailangan nitong maging mas espesipiko, para kapag narinig ito ng mga tao, maramdaman nilang isa itong tumpak na depinisyon, hindi humpak subalit medyo kongkreto at praktikal, at isipin na ito ay angkop. Subukan muling ibuod ito; paano mo ito eksaktong maipapahayag nang mas tumpak? (Nakipagbahaginan ang Itaas noon na ang katotohanan ang pamantayan para sa asal, mga kilos, at pagsamba ng tao sa Diyos.) Hindi ba’t naipahayag iyon nang maikli? (Oo, ganoon nga.) Ang katotohanan ang pamantayan para sa asal, mga kilos, at pagsamba ng tao sa Diyos. Bakit tinutukoy ito bilang isang pamantayan? Paano natin dapat unawain ang salitang “pamantayan” sa literal na pakahulugan? (Bilang isang tumpak na prinsipyo.) Bilang isang tumpak na prinsipyo o tuntunin; matatawag din itong isang regulasyon. Kaya, ano ang tinutukoy ng isang “pamantayan”? (Isang huwaran.) Tumutukoy ito sa isang huwaran, tiyak na tuntunin at prinsipyo. Iyan ang tinatawag nating pamantayan. Ang katotohanan ang pamantayan para sa asal, mga kilos, at pagsamba ng tao sa Diyos—kung tumpak ang mga depinisyong ito na binanggit natin dati, saan nauugnay ang pamantayang ito? Ano ang tinutukoy nito rito? Tulad ito nang nauna nang tinukoy: ang pamantayan para sa asal, mga kilos, at pagsamba ng tao sa Diyos. Ito ang katotohanan. Ngayon, kapag may magbabasa ng pangungusap na iyon, maiisip kaya nila, “Katotohanan rin ang ating tradisyonal na kultura”? Maaari ba itong ilagay sa ilalim ng kategorya ng katotohanan? (Hindi, hindi maaari.) Hindi maaari. Masasabi ba nila, “Mayroon kaming konklusyon ng akademikong pananaliksik na siyang katotohanan,” o “Ang ating mga tao ay may kultura, o isang karanasan, o isang mabuting pamantayang moral na siya ring katotohanan”? Maaari bang tukuyin ang katotohanan nang ganito? (Hindi, hindi maaari.) Bakit hindi natin maaaring gamitin ang mga bagay na ito para tukuyin ang katotohanan? Bakit sinasabi nating walang kinalaman ang mga bagay na ito sa katotohanan? (Walang kinalaman ang mga ito sa pagsamba sa Diyos.) Tama iyan. Maaaring nauugnay ang mga ito sa asal ng mga tao, subalit hindi nauugnay ang mga ito sa pagsamba sa Diyos. Ano ang tinutukoy ng asal na pinag-uusapan nila? Ano ang kanilang mga pamantayan at tuntunin? Mabuting pag-uugali na nagmumula kay Satanas. Hindi tungkol ang mga ito sa pagsamba sa Diyos, tungkol ang mga ito sa pagsamba at pagtatanggol kay Satanas. Kalipunan ang mga ito ng mga kasabihan o kultura tungkol sa asal na ibinuod mula sa mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao, at mula sa kung ano ang pinaniniwalaan ng mga tao bilang mabubuting moralidad o pag-uugali. Walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan o sa pagsamba sa Diyos—walang kinalaman ang mga ito sa pagsamba sa Diyos.

Nagbuod ang mga Tsino ng isang tradisyonal na kultura na angkop lang para sa mga Tsino, at na hindi matatanggap ng mga Kanluranin. Ang mga Kanluranin ay may kanilang sariling mga pambansang bayani, pambansang pagpapahalaga ng moral na integridad, at pambansang kultura, subalit kung dadalhin nila ang kanilang mga kultura sa Silangan, tatanggapin ba ang mga ito ng mga tao roon? (Hindi, hindi nila tatanggapin.) Hindi rin tatanggapin ang mga ito. Samakatuwid, gaano man kataas ang pagtingin ng mga tao sa mga kulturang ito, o gaano man karangal ang tingin nila sa mga tradisyong ito, mayroon bang anuman kaugnayan sa pagitan ng mga ito at ng katotohanan? (Wala, walang kaugnayan.) Walang kaugnayan. Halimbawa, may isang uri ng tradisyonal na kultura sa Silangan na nagsasaad na hindi mapalad na hayop ang mga kuwago. Ano ang sinasabi ng mga tao? “Hindi ang kuwago na umiiyak ang dapat mong katakutan, kundi ang kuwago na tumatawa. Pakinggan ang tawag nila, at tiyak na may mangyayaring masasamang bagay.” Sa tradisyonal na kultura ng Silangan, pinaniniwalaang hindi mapalad at malas ang mga kuwago. Kung gayon, gusto ba ng mga taga-Silangan ang “malas” na hayop na ito? (Hindi, hindi nila gusto.) Saan nakabatay ang hindi pagkagustong ito? Batay ito sa tradisyonal na kultura ng Silangan, at sa kung ano ang ipinasa sa mga henerasyon, na nagsasabing “Nagbabalita ng kamatayan sa pamilya ang tawag ng isang kuwago.” Maaaring isa itong batas na binuod ng mga tao, o isang imahinasyon ng tao, o nagkataon lang, at pagkatapos ay pinaniniwalaan na ng mga tao sa puso nila na masama ang mga kuwago. Iniisip nilang walang dapat sumamba sa mga ito o tratuhin ang mga ito bilang mapapalad na hayop, at na, kung makakita sila ng isang kuwago, dapat nila itong mabilis na itaboy, at huwag itong tanggapin. Hindi ba’t isa itong uri ng kultura? (Oo, ito nga.) Positibo o negatibo man ang uri ng kulturang ito, isa itong uri ng katutubong pamana. Sa ngayon, huwag muna nating pag-usapan kung tama o mali ito, at sabihin na lang na ang ganitong uri ng kultura ay lubusang ineendorso ng bawat tao sa Silangan, partikular sa Tsina. Naniniwala ang bawat tao roon sa kanilang puso na masasama at hindi mapapalad na hayop ang mga kuwago, kaya’t magmamadali silang iiwas kung makikita nila ito. Subalit sa Kanluran, naniniwala ang ilang tao na isang uri ng mapalad na hayop ang mga kuwago, at ginagamit ang mga estatwa at pinta ng kuwago bilang mga dekorasyon. Ang lahat ng uri ng mga gawang burda at totem ay mayroon ding mga disenyo ng kuwago, at tinatrato ang mga ito bilang mapapalad na hayop. Ano ang ibig sabihin ng pagiging isang mapalad na hayop? Iyon ay na maaaring magdala ng suwerte sa iyo ang hayop na ito, at hindi ka makatatagpo ng kamalasan pagkatapos marinig itong tumawag o makita ang isa nito. Ito ay isang uri ng popular na tradisyonal na kultura sa Kanluran. Hindi natin huhusgahan kung tama o mali ang kulturang Silangan o Kanluran, o ang usaping ito mismo. Subalit sa pamamagitan ng bagay na ito makikita natin na ang parehong hayop na nilikha ng Diyos ay napapasailalim sa iba’t ibang pananaw at kuru-kuro sa Silangan at sa Kanluran, na bukod doon ay ganap na magkaiba. Hindi ito itinuturing ng mga taga-Silangan na isang mabuting bagay, at tumatawa o umiiyak man ang isang kuwago, hindi ito itinuturing na mabuti para sa kanila, habang itinuturing itong mapalad ng mga taga-Kanluran umiiyak o tumatawa man ito, at na ang makita lang ang isa nito ay maaaring magdala sa kanila ng suwerte, kaya tinatrato nila bilang mapapalad na hayop ang mga kuwago. Nagmula sa tradisyonal na kultura ang dalawang pananaw at paraan na ito ng pakikitungo sa mga kuwago: isa na naniniwala na malas ang mga kuwago, at isa na itinuturing na mapalad ang mga ito. Kung titingnan ito ngayon, alin ang naaayon sa katotohanan, at alin ang hindi? (Hindi naaayon ang alinman sa katotohanan.) Saan ninyo ibinabatay ang paninindigang iyon? (Wala sa alinmang pananaw ang nagmumula sa Diyos.) Tama iyan. Kapag sinasabi ng mga tao na hindi mapapalad na hayop ang mga kuwago, saan nila ibinabatay iyon? Ito ay tradisyonal na kultura ng Silangan; kung ano ang pinaniniwalaan nilang mapalad o hindi mapalad, o na magdadala ng sakuna, kamalasan, o saya, ay sinusukat ayon sa tradisyonal na kultura. Isa itong paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay na hango sa mga imahinasyon at kuru-kuro, kung saan nagmumula ang ganitong uri ng kultura. Iniisip ng mga Kanluranin na ang ganitong uri ng hayop ay maaaring magdala ng suwerte sa mga tao, at siyempre pa ito ay mas mabuti nang kaunti at mas progresibo ito kaysa sa pagtrato at pagturing dito bilang malas. Pinararamdam nito sa mga tao na ito ay isang medyo mabuting hayop, at na kahit papaano ay magiging kalmado at matatag ang pakiramdam nila pagkatapos makakita ng isa nito, na mas mabuti kaysa sa makaramdam ng pagiging malas. Subalit ano ang mapapala mo sa pagkaunawa rito nang ganito? Makapagdadala ba talaga sa iyo ng suwerte ang mga kuwago? (Hindi, hindi kaya ng mga ito.) Kung ipinanganak ka sa Tsina, maaari ba talagang itakda ng mga kuwago ang iyong suwerte? Hindi rin. Kaya, ano ang makikita mo mula rito? Naniniwala ka man o hindi na makapagdadala ng kamalasan o suwerte ang hayop na ito, isa lang itong paniniwala at kuru-kuro ng tao, hindi isang katunayan. Ano ang pinatutunayan nito? (Na hindi katotohanan ang tradisyonal na kultura.) Tama; walang kultura ang katotohanan. Kaya paano mo dapat tratuhin ang mga kuwago sa paraang naaayon sa katotohanan? May kinalaman ito sa pamantayan para sa asal, mga kilos, at pagsamba ng tao sa Diyos. Ano ang pamantayan dito? Ibig sabihin, sa anong uri ng perspektiba mo dapat tingnan ang nilalang na ito, at paano mo dapat itong tratuhin kapag may nagpapakitang isa nito sa iyo, umiiyak man ito o tumatawa—may kaakibat na pamantayan ang mga bagay na ito. Ano ang pamantayan? (Ang katotohanan.) Ang pamantayan ay ang katotohanan. Pagdating sa kung paano mo dapat tratuhin ang isang kuwago, saan mo dapat ibabatay ito? (Sa mga salita ng Diyos.) At ano ang sinasabi ng salita ng Diyos tungkol sa pakikitungo sa ganitong uri ng nilalang? Hindi partikular na sinasabi ng kanyang mga salita na, “Dapat mong tratuhin nang tama ang mga kuwago, at hindi dapat na kumiling sa bagay na ito. Hindi mo dapat sabihin na malas ang mga kuwago, o na hindi rin magdadala ng suwerte ang mga ito sa iyo. Dapat mong tratuhin nang obhetibo at patas ang mga kuwago.” Hindi ito sinabi ng Diyos. Kaya, anong batayan ang kailangan mong taglayin para umayon ang iyong mga pananaw sa mga kuwago sa pamantayan, sa katotohanan? (Ang katotohanang nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay.) Dapat mong maging batayan ang katotohanang nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, ito ang katotohanan. Sa mga kamay ng Diyos, ang lahat ng bagay ay may kanya-kanyang gamit, misyon, at halaga sa pag-iral. Ano pa? (Ang lahat ng bagay ay mabuti sa perspektiba ng Diyos.) Tama, ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos ay mabuti, may halaga sa pag-iral, at kailangang umiral. Hangga’t nagmumula sa Diyos at ginawa Niya ang isang bagay, hindi ito kailanman mawawalan ng silbi. Ano ang ibig sabihin nitong “hindi kailanman mawawalan ng silbi”? Ito ay na hindi ito basta-basta magdadala ng kamalasan sa mga tao. Talaga bang basta na lang makapagdadala sa iyo ng kamalasan ang isang maliit na kuwago? Hindi ba’t gagawin naman niyang napakamakapangyarihan ang kuwago? Mas mataas ba ang mga tao kaysa sa mga kuwago? Ang mga tao ang mga tagapangalaga ng lahat ng bagay, at mas tumpak na sabihing kinokontrol nila ang mga kapalaran ng mga kuwago, at kaya nilang lipulin ang lahat ng mga kuwago nang ganoon lang. Imposible para sa mga kuwagong baguhin ang kapalaran ng tao. Kaya, anong paraan ng pagtrato sa nilalang na ito ang naaayon sa katotohanan? Ang pagtrato rito nang naaayon sa mga salita ng Diyos. Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, ang lahat ng iba’t ibang nilalang, at ang mga tao rin. Ang mga kuwago ay mga nilalang, kaya dapat nating pakitunguhan ang mga ito nang naaayon sa perspektiba nang pagtrato natin sa lahat ng nilalang. Una, hindi natin dapat basta-bastang sinisira ang mga batas ng kaligtasan nito. Halimbawa, ang kagawian at katangian ng mga kuwago ay ang pagtulog sa umaga, at manghuli at maging aktibo sa gabi. Kung nakatagpo ka ng isang sugatang kuwago, at mabuti mo itong kinupkop, paano mo ito dapat tratuhin? (Ayon sa mga kagawian nito.) Tama, dapat mong igalang ang mga batas kung saan ito nabubuhay. Huwag mong isiping patulugin ito sa gabi, pakainin ito ng mga gamot-pampatulog kung hindi ito natutulog. Mali ito. Kung palagi itong maingay sa gabi, at naaabala nito ang iyong pahinga, maaari mo itong ilipat sa isang lugar kung saan hindi ka nito maaabala, subalit hindi mo dapat guluhin ang mga batas kung saan ito nabubuhay, o labagin ang paraan nito ng kaligtasan. Hindi ba’t ito ang tamang paraan ng pagtrato rito? (Oo, ito nga.) Ito dapat ang iyong perspektiba sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Una, magkaroon ng tamang perspektiba. Ito ang unang hakbang na dapat mong gawin kapag gumagawa ng anumang bagay. Pangalawa, dapat mong gamitin ang tamang perspektibang ito kapag gumagawa ng mga bagay-bagay o nag-aasikaso ng mga gawain, para ang ginagawa mo ay katotohanan. Ang mga ito ang pamantayan. Ang mga pamantayan, sa totoo lang, ay mga tiyak na tuntunin at batas. Halimbawa, kapag nakakakita ang pusa ng isang daga, gusto nitong hulihin ito. Sabihin nating sa tingin mo ay nilikha rin ng Diyos ang mga daga, at gusto mong pigilan ang pusa, at hadlangan itong mahuli ang daga—mali ba ito? (Oo, mali ito.) Ano ang palagay mo sa pamamaraang ito? (Nilalabag nito ang mga batas.) Labag ito sa mga batas ng kalikasan. Kapag nakakakita ang ilang tao ng isda sa tubig, nagtataka sila, “Sinasabi ng lahat na hindi mabubuhay ang isda kapag walang tubig. Subalit susubukan ko ang lahat para mailabas ito sa tubig at mabuhay ito sa lupa.” Nagreresulta ito sa pagkamatay ng isda ilang sandali pagkatapos nito. Anong tawag dito? (Kalokohan.) Kalokohan ito. Sa pagtalakay sa mga kuwago, medyo nauunawaan na ba ninyo kung ano ang mga pamantayan, at kung saan nakabatay ang mga ito? (Nakabatay ang mga ito sa mga salita ng Diyos.) Tama, nakabatay ang mga ito sa mga salita ng Diyos. Kaya, paano ninyo dapat tratuhin ang mga kuwago sa hinaharap? Kung, isang gabi, may umiiyak na isang kuwago sa tabi ng iyong bintana, paano mo ito haharapin? Kahit papaano, alam nating may karapatan itong umiyak, at dapat nating pahintulutan ang karapatang iyon. Kung masyado itong maingay, maaari mo itong itaboy, subalit hindi kailangang mag-alala kung makatatagpo ka ng kamalasan sa susunod na araw. Walang silbing isipin ito, dahil ang kapalaran, buhay, at kamatayan ng tao ay lahat nasa kamay ng Diyos at nasa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, kaya madali silang kumikiling sa mga bagay-bagay, at maaaring magkaroon pa nga ng mga imahinasyon at kuru-kuro, o maging medyo mapamahiin. Humahantong ito sa pagkakaroon ng mga tao ng mga maling pananaw sa maraming bagay, at sa pagkabigong kumilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo o matugunan ang pamantayan para sa asal, mga kilos, at pagsamba ng tao sa Diyos sa lahat ng bagay. Ano ang dahilan nito? (Ang hindi pagkaunawa sa katotohanan.) Dulot ito ng hindi pagkaunawa sa katotohanan.

Kapag nakikipag-ugnayan ang ilang taga-Silangan sa mga Kanluranin, nakikita nila ang mga natatanging katangian ng mga ito—ang matataas na tulay ng kanilang ilong, ang malalaki nilang mga mata, ang sari-saring kulay ng kanilang buhok, at kung gaano ka-elegante silang lahat tingnan—at walang kamalay-malay na nakararamdam ng inggit o paghanga sa kanila. Pagkatapos, sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na ugnayan, patuloy nilang tinatanggap ang kulturang Kanluranin. Bakit nagagawa nila itong tanggapin? Dahil sa inggit sa kanilang puso, at sa kanilang pagnanais na maging katulad nila. Iniisip nilang ang mga hitsura ay inorden ng Diyos at hindi mababago, subalit magiging marangal sila kung matatapatan nila ang mga Kanluraning paraan ng pamumuhay, tulad ng kung paano sila kumain, manamit, at ang paraan ng paggamit nila ng mga bagay-bagay, gayundin ang kanilang paraan ng pananalita, paraan ng pag-iisip, at kultura. Ano ang palagay mo sa ganitong uri ng ideya? Tinataglay ba ito ng lahat? (Oo, tinataglay nila.) Gustong gayahin ng ilang taga-Silangan ang mga Kanluranin, at ang unang ginagaya nila ay ang pag-inom ng kape. Pakiramdam nila ay masyadong hindi sopistikado ang pag-inom ng mga taga-Silangan ng tsaa, kaya pinag-aaralan nilang uminom ng kape mula sa mga Kanluranin. Sa partikular, nakikita ng ilang taga-Silangan ang maraming Kanluranin na nagmamadaling pumunta sa kanilang trabaho tuwing umaga, tangan ang kanilang tasa ng kape, at sa paglipas ng panahon ay natututuhan din nila itong gawin, minsan kahit na hindi sila talagang abala. Panggagaya ang tawag dito. Wala talagang ganitong kagawian ang mga taga-Silangan, subalit iniisip nilang mabuti, matayog, at elegante ang mga kaugalian ng mga Kanluranin. Naniniwala sila na, kung wala sila ng kagawiang ito, dapat nila itong matutuhan at gayahin, at kung matutuhan na nila ito, at mamumuhay nang naaayon sa kagawiang ito, iniisip nilang tiyak na makasasali sila sa hanay ng mga Kanluranin at magiging isa sa kanila. Isa itong uri ng pagsamba sa mga Kanluranin. Kung talagang gusto mo ang isang bagay, sa anumang paraan ay pag-aralan mo ito, subalit kung pinag-aaralan mo lang ang ganitong uri ng kagawian bilang isang pakitang-tao para magpasikat sa iba, panggagaya iyon. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, wala siyang magiging pamantayan sa anumang ginagawa niya, at magiging parang langaw siyang walang ulo, na walang layunin at direksiyon. Kapag nakakakita sila ng mga Kanluranin, pag-aaralan nila kung paano kumilos ang mga Kanluranin; kapag nakikita nila kung anong uso sa mundo, pag-aaralan nila iyon. Ganito ang mga hindi mananampalataya, at kung sinumang nananalig sa Diyos ang gumawa ng katulad na bagay, anong klaseng tao sila? (Isang walang pananampalataya.) Tama iyon. Mayroon ba silang anumang pamantayan o prinsipyo kapag gumagawa ng mga bagay? (Wala, wala sila noon.) Wala silang mga prinsipyo. Bakit? Dahil sinasamba nila ang mga makamundong uso at kabuktutan; hindi nila hinahangaan ang Diyos, hindi nila minamahal ang katotohanan sa kanilang puso, at hindi nila tinatanggap at hinahanap ang katotohanan. Pawang mga walang pananampalataya ang gayong mga tao. Dahil ang ganitong uri ng tao ay may ganitong mga diwa, kahit pa nasa iglesia sila na nagbabasa ng mga salita ng Diyos at nakikinig sa mga sermon, hindi pa rin nila magagawang matagpuan ang pamantayan para sa asal, mga kilos, at pagsamba ng tao sa Diyos. Ipinahihiwatig nito na hindi nila kailanman makakamit ang katotohanan. Hindi ba’t tama iyon? (Oo, tama nga.) Ang panggagaya sa iba sa pag-inom ng kape ay makapagbubunyag ng mga kagustuhan ng isang tao, ang landas na kanyang tinatahak, at ang mga prinsipyo ng kanyang mga pagkilos. Sabihin mo sa Akin, ang pag-inom ba ng tsaa ang katotohanan, o ang pag-inom ba ng kape ang katotohanan? (Wala sa alinman ang nauugnay sa katotohanan.) Mahusay na pagkakasabi. Kaya, ano ang katotohanan? Sinasabi ng ilang tao na: “Ang lahat ng nagmumula sa Diyos ay ang katotohanan. Ang mga salita ng Diyos na nagsasabing mabuti para sa iyo na kumain ng mga pana-panahong bagay ay ang katotohanan.” Tama ito. Ang katotohanan ay ang pamantayan para sa asal, mga kilos, at pagsamba ng tao sa Diyos. Kaya, ano ang kabilang sa pamantayan para sa asal? May kinalaman ito sa bawat aspekto ng katotohanan tungkol sa asal. Paano naman ang pamantayan para sa mga kilos? Ito ang estilo at pamamaraan ng pangangasiwa mo sa mga bagay-bagay. Hindi na kailangang sabihin, alam nating lahat ang pamantayan sa pagsamba sa Diyos. Ang saklaw ng pamantayang ito ay tumutukoy sa mga bagay na ito, at lahat ng mga ito ay may kinalaman sa katotohanan. Ipagpalagay na sinasabi ng isang tao na, “Bakit ayaw mo ng tsaa?” at sinasabi mong, “ Ang hindi ko ba pagkagusto sa tsaa ay hindi kaayon sa katotohanan?” Sinasabi ng isa pang tao na: “Nasa Kanluran ka, kaya bakit hindi ka natutong uminom ng kape? Walang kasarap-sarap ito, hindi ako iinom ng kape!” at sinasabi mo na, “Sinusubukan mo ba akong kondenahin? Kasalanan ba ang hindi uminom ng kape? Katotohanan ba ang “lasa”? Ano ang halaga ng lasa?” Ganap itong walang halaga, tama? Ang hindi pagkaunawa sa katotohanan ang talagang walang halaga! Ano ang dapat maunawaan ng mga tao mula sa halimbawang ito? Dapat nilang maunawaan kung anong mga pananaw ang dapat nilang taglayin sa mga tao, pangyayari, at bagay-bagay na ito, at kung paano haharapin ang mga ito ayon sa hinihingi ng Diyos, para matugunan ang Kanyang mga hinihinging pamantayan. Ano ang dapat maunawaan at hanapin ng mga tao mula sa lahat ng ito? Ang pamantayang dapat nilang sundin ay dapat na sumasaklaw sa lahat ng uri ng mga bagay.

Sa palagay ninyo ba na ang isang tradisyonal na kultura o isang pambansang damdamin ay maaaring maging karapat-dapat para sa terminong “pamantayan”? (Hindi.) Halimbawa, “Ang pagiging tao ay nangangahulugang dapat mong mahalin ang iyong bansa”—isa ba itong pamantayan? (Hindi, hindi ito.) “Ang pagiging tao ay nangangahulugang dapat kang maging mabuting anak sa iyong mga magulang”—isa ba itong pamantayan? (Hindi, hindi ito.) Sinasabi rin ng ilan, “Ang mga babae ay dapat na malinis,” o “Ang mga babae ay dapat na sumusunod sa mga pagpapahalaga ng Kompyusiyanismo,” pero mga pamantayan ba ang mga ito? (Hindi, hindi mga pamantayan ang mga ito.) “Ang lalaki ay maaari lang magkaroon ng isang asawa, at dapat maging tapat”—isa ba itong pamantayan? Kwalipikado ba ito bilang katotohanan? (Hindi, hindi ito kwalipikado.) Isa itong tamang pag-uugali at moral, at ang pinakapangunahin at pundamental na bagay sa sangkatauhan, subalit hindi ito nakakaabot sa katotohanan. Naaayon ito sa mora at pamantayan sa pag-uugali ng normal na sangkatauhan, subalit maaari ba itong ituring na pamantayan? Ano ang tinutukoy ng pamantayan? (Ang katotohanan.) Tumutukoy ang pamantayan sa katotohanan, at anumang hindi nakakaabot sa katotohanan samakatuwid ay hindi ang pamantayan. Nakikita mo ba? Ang mga hinihingi ba ng mga lalaki at babae sa tradisyonal na kultura na kababanggit ko lang ay ang mga hinihingi ng Diyos? (Hindi, hindi ang mga ito.) Kung gayon, ano ang hinihingi ng Diyos sa mga lalaki? Ano ang sinasabi sa Bibliya? (Na magtrabaho sila at magsikap para suportahan ang kanilang mga pamilya.) Ito ang hinihingi ng Diyos sa mga lalaki, at ito ang pinakapangunahing bagay na dapat magawa ng isang lalaki. Paano naman ang tuntunin ng Diyos para sa mga babae? (Na ang pagnanasa nila ay sa kanilang mga asawa.) Dahil ito ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, ito ang katotohanan, at ito ang dapat sundin ng mga tao. Anumang nagmumula sa tradisyonal na kultura o mga moral na kasulatan ng tao, tama man ito, ay hindi ang katotohanan. Bakit ko sinasabing hindi ito ang katotohanan? (Dahil hindi ito sinabi ng Diyos.) Ang hindi sinasabi ng Diyos ay tiyak na hindi ang katotohanan, o hindi rin ang walang kinalaman sa mga hinihingi ng mga salita ng Diyos. Ano ang mga pamantayan ng mga taga-Silangan sa pagtukoy sa mga babae? Naniniwala silang ang mabubuting babae ay dapat na unang-una mayumi at malinis, may pinag-aralan at pino, maganda at maliit, at na pagkatapos ng kasal, dapat nilang alagaan ang lahat ng iba pa sa pamilya, bata at matanda, nang walang reklamo. Mga kuskusan lang sila ng paa. Ito ang imahe ng mga babae na nilikha ng mga taga-Silangan; ito ang mga hinihinging pamantayan na mayroon sila para sa mga babae. Tingnan naman natin ngayon kung ano ang mga hinihinging pamantayan ng mga Kanluranin para sa mga babae, ibig sabihin, kung ano ang itinuturo at itinataguyod nila sa pamamagitan ng kanilang mga kaisipan at pananaw. Naniniwala ang mga Kanluranin na ang mga babae ay dapat maging independiyente, malaya, at pantay-pantay—ito pangunahin ang mga karapatang pangkababaihan na itinataguyod ng Kanluran. May pundamental na depinisyon at hinihingi ang mga karapatang ito para sa mga babae, ibig sabihin, nagpapakita ang mga ito ng isang pangunahing konsepto para sa pamumuhay at hitsura ng isang babae. Ano ang konseptong ito? Na ang mga babae ay hindi dapat maging sunud-sunuran, kaawa-awa, at maayos kumilos sa buong araw, tulad ng mga kuskusan ng paa. Iniisip nilang masama ito, at na ang mga babae ay dapat na malakas at matapang. Ito ay mga hinihinging pamantayan para sa mga babae sa puso ng mga Kanluranin. Naniniwala silang ang mga babae ay hindi kailangang maging tulad ng mga papet, mababang-loob na nagpapasakop sa paghihirap sa araw-araw, naghihintay sa iba na pagalitan o utusan sila. Iniisip nilang hindi ito kailangan. Itinataguyod ng mga Kanluranin na maging maagap, independiyente, at matapang sa kanilang mga pagkilosang mga babae. Siyempre, ang nauunawaan natin ay maaaring hindi lubos na tugma sa kanilang pag-iisip, subalit ito ang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng mga babae sa Silangan at sa Kanluran. Alin sa dalawang pananaw na ito ang tama? (Walang alinman ang tama.) Sa totoo lang, hindi ito tungkol sa tama at mali. Sa ilalim ng isang kalagayang panlipunan sa Silangan, sa loob ng gayong komunidad, kailangan mong mamuhay nang ganoon. Kaya mo bang magrebelde kung gusto mo? Sa isang pamilya, may panganib ng kamatayan kung magrerebelde ka. Sa Kanluran, maaari kang mamuhay gaya ng ginagawa ng isang Kanluraning babae, subalit paano ka man nabubuhay, sa ilalim ng alinmang kalagayang panlipunan o sa alinmang komunidad, aling pananaw ang naaayon sa katotohanan? (Walang alinman sa mga ito ang naaayon sa katotohanan.) Walang alinmang pananaw ang naayon sa katotohanan, pareho nilang nilalabag ito. Bakit ko sinasabi ito? Gusto ng mga taga-Silangan na palaging maging maayos ang pag-uugali ng mga babae, para katawanin ang mga pagpapahalagang Kompyusiyanismo, na maging malinis at mayumi—para sa anong layunin? Para madali silang makontrol. Ito ay isang nakakapinsalang ideolohiya na lumago mula sa tradisyonal na kultura ng Silangan, at talagang nakakasama ito sa mga tao, na sa huli ay nagdudulot sa mga babae na mamuhay nang walang direksiyon o sa kanilang mga sariling ideya. Hindi alam ng mga babaeng ito kung ano ang dapat nilang gawin, kung paano ito gagawin, o kung anong mga pagkilos ang tama o mali. Iniaalay pa nga nila ang kanilang buhay sa kanilang mga pamilya, subalit pakiramdam pa rin nila ay hindi sapat ang kanilang nagawa. Hindi ba’t ito ay isang uri ng pinsala sa mga babae? (Oo, ito nga.) Hindi man lang sila lumalaban kapag inaalis ang kanilang mga sariling karapatan, ang mga karapatang dapat nilang tinatamasa. Bakit hindi sila lumalaban? Sinasabi nilang: “Mali ang lumaban, hindi ito mabuti. Tingnan mo si ganito-at-ganyan, higit na mas mahusay sila kaysa sa akin at nagdusa nang mas higit pa, subalit hindi sila nagrereklamo.” Bakit sila mag-iisip nang ganito? (Naimpluwensiyahan sila ng tradisyonal na kultural na pag-iisip.) Itong tradisyonal na kulturang ito ang nag-ugat nang malalim sa kalooban nila, at nagdulot sa kanila ng matinding pagdurusa. Paano nila nagagawang matiis ang ganitong uri ng pagdurusa? Alam na alam nilang masakit ang ganitong uri ng pagdurusa, na nagdudulot ito sa kanila ng pakiramdam ng walang magawa at nagpapasakit sa kanilang puso, kaya paano pa rin nila ito natatanggap? Ano ang obhetibong dahilan? Na ito ang kanilang kalagayang panlipunan, kaya hindi sila makalaya, kundi mababang-loob lang na tinatanggap ito. Ganito rin ang subhetibo nilang nararamdaman. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan, o kung paano dapat mabuhay nang may dignidad ang mga babae, o ang tamang paraan ng pamumuhay ng mga babae. Walang nagsabi sa kanila ng mga ganitong bagay. Sa pagkakaalam nila, ano ang pamantayan para sa asal at mga kilos ng isang lalaki? Tradisyonal na kultura. Iniisip nilang kung ano ang ipinamana sa mga henerasyon ay tama, at na kung may lumalabag dito, dapat na kondenahin ang kanilang konsensiya. Ito ang kanilang “pamantayan.” Subalit tama ba talaga ang pamantayang ito? Dapat bang ilagay ito sa mga panipi? (Oo, dapat.) Hindi naaayon ang pamantayang ito sa katotohanan. Gaano man ka-aprubado o pinapaboran ang pag-uugali ng isang tao sa ilalim ng pagkontrol ng ganitong uri ng pag-iisip at pananaw, isa ba talaga itong pamantayan? Hindi, dahil labag ito sa katotohanan at pagkatao. Sa loob ng mahabang panahon, kinailangang alagaan ng mga babae sa Silangan ang buo nilang pamilya, at naging responsable sila sa lahat ng maliit na walang kuwentang usapin. Patas ba ito? (Hindi, hindi ito patas.) Kung gayon paano nila ito natitiis? Dahil nakatali sila sa ganitong uri ng pag-iisip at pananaw. Ang kakayahan nilang tiisin ito ay nagpapahiwatig na, sa kaibuturan, mas naniniwala silang ito ang tamang bagay na gawin, at na kung magtitiis lang sila, matutugunan nila ang mga pamantayan ng tradisyonal na kultura. Kaya, tumatakbo sila patungo sa direksiyon na iyon, patungo sa mga pamantayang iyon. Kung, sa kaibuturan nila, naisip nilang mali ito at hindi nila ito dapat gawin, na hindi ito naaayon sa pagkatao, at na lumabag ito sa sangkatauhan at sa katotohanan, magagawa pa rin ba nila ito? (Hindi, hindi nila magagawa.) Kailangan nilang mag-isip ng paraan para makalayo sa mga taong iyon, at na hindi maging mga alipin nila. Subalit hindi mangangahas ang karamihan ng kababaihan na gawin ito—ano ang iniisip nila? Na kaya nilang mabuhay nang wala ang kanilang komunidad, subalit magdadala sila ng kakila-kilabot na stigma kung aalis sila, at magdurusa ng ilang partikular na kahihinatnan. Pagkatapos timbangin ito, iniisip nila na kung gagawin nila ito, pagtsitsismisan ng kanilang mga kasamahan ang tungkol sa kung paanong hindi sila malinis, kokondenahin sila ng lipunan sa ilang partikular na paraan at magkakaroon ng ilang partikular na opinyon tungkol sa kanila, at ang lahat ng ito ay magdudulot ng mga seryosong kahihinatnan. Sa huli, pinagninilayan nila ito at iniisip, “Mas mabuting pagtiisan na lang ito. Kung hindi, dudurugin ako ng bigat ng pagkondena!” Ganito ang mga babaeng taga-Silangan, sa bawat henerasyon. Ano ang kinakailangan nilang tiisin sa likod ng lahat ng mabuting gawang ito? Ang pagkakait ng kanilang dignidad at karapatan bilang tao. Naaayon ba sa katotohanan ang mga kaisipan at pananaw na ito? (Hindi, hindi naaayonang mga ito.) Hindi naaayon sa katotohanan ang mga ito. Pinagkaitan sila ng kanilang dignidad at karapatang pantao, at nawala ang kanilang mga personalidad, ang kanilang independiyenteng pamumuhay at mga espasyo para sa pag-iisip, at ang kanilang mga karapatang magsalita at ipahayag ang mga sarili nilang pagnanais—lahat ng ginagawa nila ay para sa mga taong iyon sa tahanan. Ano ang layunin nila sa paggawa nito? Para matugunan ang mga pamantayang hinihingi ng tradisyonal na kultura sa mga babae, at para purihin sila ng ibang tao, tinatawag silang mabubuting asawa at mabubuting tao. Hindi ba’t isa itong uri ng pagpapahirap? (Oo, isa itong uri.) Tama ba o baluktot ang paraang ito ng pag-iisip? (Baluktot ito.) Naaayon ba ito sa katotohanan? (Hindi, hindi ito naaayon.) Nilikha ng Diyos ang malayang kalooban para sa sangkatauhan, at ano ang mga kaisipang nagmumula sa malayang kaloobang ito? Naaayon ba ang mga ito sa pagkatao? Dapat kahit papaano ay naaayon ang mga kaisipang ito sa pagkatao. Bukod dito, nilayon din Niyang magkaroon ang mga tao ng tumpak na pananaw at pang-unawa sa lahat ng tao, pangyayari, at bagay sa takbo ng kanilang buhay, at pagkatapos ay makapili ng tamang landas para mabuhay at sumamba sa Diyos. Ang pamumuhay sa ganitong paraan ay ibinigay ng Diyos at dapat na tamasahin. Gayunpaman, ang mga tao ay pinaghihigpitan, ginagapos, at binabaluktot ng mga tinatawag na tradisyonal na kultura at moral na mga kasulatang ito sa kanilang buong buhay, at sa huli ay nagiging ano sila? Nagiging mga papet sila ng tradisyonal na kultura. Hindi ba’t dulot ito ng hindi pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan? (Oo, ganoon nga.) Pipiliin ninyo bang tahakin ang landas na ito sa hinaharap? (Hindi, hindi ko pipiliin.) Kaya, ano ang dapat mong gawin? Ipagpalagay na sinasabi mo, “Lalabanan ko sila,” o “Hindi ko na sila paglilingkuran. May mga karapatang pantao ako, at may sarili akong personalidad.” Ayosba ito? (Hindi, hindi ito ayos.) Hindi ito ayos. Pagpunta ito mula sa isang sukdulan tungo sa isa pa, at hindi ito nagpapatotoo o nagluluwalhati sa Diyos. Kaya, paano ka dapat kumilos? (Nang naaayon sa mga prinsipyo.) Siyempre tamang kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo, at dapat mong tratuhin ang lahat nang naaayon sa mga prinsipyo, tratuhin sila bilang mga kapatid kung nananalig sila sa Diyos, at bilang mga hindi mananampalataya kung hindi sila nananalig. Walang dahilan para siraan mo ang iyong sarili, baluktutin ang iyong pagkatao, o isuko ang iyong dignidad at mga karapatan sa pamamagitan ng pag-aalay ng iyong buhay para sa kanila. Hindi sila karapat-dapat para dito. May Isa lang sa mundong ito na karapat-dapat na paggugulan mo ng iyong buhay. Sino ito? (Ang Diyos.) Bakit? Dahil ang Diyos ang katotohanan, at ang Kanyang mga salita ang pamantayan para sa pag-iral, asal, at mga kilos ng tao. Hangga’t mayroon kang Diyos, at mga salita ng Diyos, hindi ka lilihis, at magiging tumpak ka sa kung paano ka aasal at kikilos. Ito ang pangwakas na epekto na naisasakatuparan ng mga salita ng Diyos sa isang tao pagkatapos silang mailigtas.

“Ano ang Katotohanan?” ay isang masyadong malawak na paksa. Nagbigay lang tayo ng ilang halimbawa, isa rito ay kung paano tatratuhin ang mga kuwago. Ano pang ibang halimbawa ang naroon? (Ang mga taga-Silangan na gumagaya sa mga Kanluranin sa pag-inom ng kape.) (Ang mga hinihinging pamantayan ng mga taga-Silangan at Kanluranin sa mga babae.) Ito ang mga pinakahalatang halimbawa. Kaya, sa pagitan ng mga pananaw ng mga taga-Silangan at Kanluranin sa iba’t ibang bagay, alin ang pamantayan? (Walang alinman.) Walang alinman sa dalawa ang may kinalaman sa katotohanan, pareho silang mga pananaw at opinyon ng mga tao. Sa mas tiyak, parehong mga maling pananaw at pangangatwiran ang mga ito. Hindi mga pamantayan ang mga ito, mga estratehiya, teorya, at pilosopiya ito ni Satanas na pumipinsala sa mga tao. Mas nauunawaan mo na ba ang bagay na ito, pagkatapos ko magbahagi dito nang gaya nito? (Oo, mas nauunawaan namin). Kung hindi ako nagsalita tungkol dito, siguro isang araw naisip mong subukang gayahin ang mga Kanluranin sa pamamagitan ng pag-inom ng kape at pagkain ng hamburger, tularan sila. Naaayon ba iyon sa mga prinsipyo? Kahit kumain ka pa ng Kanluraning pagkain araw-araw, walang silbi ang lahat ng ito kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, hindi ka pa rin magkakaroon ng pamantayan kung paano aasal. Ang susi ay kung kaya mong hanapin ang katotohanan at kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo—ito ay kapaki-pakinabang sa iyo. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan Ko nang gaya nito, nagkaroon ba kayo ng kaunting pagkaunawa sa katotohanan at mga pamantayan? (Oo, nagkaroon kami.) May katotohanan ba sa loob ng tradisyonal na kultura o pamantayang moral ng mga tao? (Wala, walang katotohanan.) May katotohanan ba sa mga moral na banal na kasulatan? (Wala, walang katotohanan.) Makatitiyak ka na ba ngayon na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan? (Oo, makatitiyak na kami.) Pagkatapos kumpirmahin ang Kanyang mga salita bilang katotohanan, kailangan mong pag-isipan: Ano ang mga salita ng Diyos? Ano ang mga prinsipyong kinakailangan sa Kanyang mga salita? Ano ang mga pamantayang sinabi Niya sa tao? Paano sila eksaktong dapat kumilos para umayon sa mga salita ng Diyos, at ano ang mga tamang prinsipyo sa paggawa nito? Ito ang dapat mong hanapin, subalit ngayon iyan lang muna sa paksang ito.

Mga Karagdagang Babasahin:

Isang Araw sa Buhay ni Xiaojia

Tumungo tayo sa susunod na paksa. Ano ba dapat ito? Dapat sigurong magkuwento ako. Tinatalakay din ng mga kuwento ang katotohanan, at ang pamantayan para sa asal, mga kilos, at pagsamba ng tao sa Diyos. Pakinggan kung ano ang kaugnayan ng kuwentong ito sa katotohanan, at sa pamantayan para sa pag-uugali ng tao. Tinatalakay nito ang isang araw sa buhay ni Xiaojia. Si Xiaojia ang ating bida, at mga gaano katagal nangyayari ang kuwento? (Isang araw.) Isang araw. Maaaring sabihin ng ilang tao na, “May saysay ba talagang ikuwento ang mga pangyayari sa isang araw?” Eh, depende sa sasabihin mo. Kung puro tsismis lang lahat ito at tama at mali, walang saysay na ikuwento ito. Subalit kung tinatalakay nito ang katotohanan, hindi bale na ang isang araw—kahit pa ang mga pangyayari sa isang minuto ay may saysay na ikuwento, tama ba? (Tama iyan.)

Si Xiaojia ay isang taong sobrang marubdob ang damdamin sa mga paghahangad at masigasig sa paggawa ng kanyang tungkulin, at ang kanyang kuwento ay nagsisimula isang umagang-umaga pagkagising lang niya. Pagkatapos bumangon, magbasa ng salita ng Diyos, at magsagawa ng kanyang mga debosyon, nagtungo si Xiaojia para sa almusal at kumuha ng isang mangkok ng lugaw at ilang gulay. Pagkatapos ay nakakita siya ng ilang itlog, at naisip na: “Dapat akong kumuha ng dalawa. Sapat na nutrisyon ang dalawang itlog sa isang araw.” Subalit nang aabutin na niya ay nag-alinlangan siya, “Kukuha ba ako ng dalawa o isa? Magiging masama kung makikita ako ng ibang kumukuha ng dalawa. Masyadong gahaman ito, at iisipin ng ibang masiba ako. Mas mabuting kumuha lang ng isa.” Binawi niya ang kamay niya bago muling umabot at kumuha ng isang itlog. Maya-maya, may lumapit na ibang tao para kumuha ng isang itlog, at habang ginagawa niya iyon ay bumilis ang pintig ng puso ni Xiaojia. Naisip niya na: “Sa totoo lang, pinakamabuting hindi kumain ng mga itlog. May lugaw at mga gulay ako, pati na rin ilang siopao, at sapat na iyon para sa almusal. Hindi ako dapat maging masyadong gahaman. At bakit ko pa gugustuhing kumain ng mga itlog? Napakasama kung makikita ng iba. Hindi ba’t iyon ay pagpapakasasa sa kaginhawahan? Hindi ako kakain kahit isa.” Sa pag-iisip nang ganoon, ibinalik ni Xiaojia ang itlog at, pagkatapos ubusin ang kanyang almusal makalipas ang ilang minuto, nagsimula niyang gawin ang kanyang tungkulin. Naging abala siya sa mga kasalukuyan niyang gawain, isa-isang tinatapos ang mga ito. Mabilis na lumilipas ang oras, at sa isang kisap-mata ay oras na para sa tanghalian. Umalis ang lahat ng iba pa para kumain, subalit tumingin si Xiaojia sa kanyang relo at nakitang alas dose kuwarenta iyon ng tanghali. “Sandali lang. Hindi ako dapat magmadaling kumain kapag nagmamadali ang lahat ng iba pa. Kung magmamadali ako kasama ng iba pa, hindi ba’t magiging katulad ko lang din sila, at magmumukhang masiba? Maghihintay lang ako nang ilang saglit pa.” Ipinagpatuloy niya ang kanyang ginagawa, subalit binigo siya ng kanyang tiyan at nagsimula itong kumalam. Napahawak siya sa kanyang tiyan at lumilipad ang isip na tumingin sa kompyuter, iniisip: “Nagugutom ako! Ano ang pananghalian ngayon? May kaunting karne kaya? Napakabuti sana kung makakakain ako ng kaunting karne!” Patuloy na kumalam ang kanyang tiyan habang nag-iisip siya, at sa pamamagitan lang ng matinding paghihirap na nagawa niyang makapaghintay hanggang makabalik na ang lahat ng iba pa mula sa tanghalian. May isang nagsabi na: “Bakit hindi ka nananghalian? Bilisan mo na’t umalis, lumalamig na ang pagkain.” Sinabi ni Xiaojia na, “Walang problema. Hindi ko pa natatapos ang ginagawa ko. Kakain ako pagkatapos ko.” “Hindi ba’t mas mabuting ipagpatuloy ang pagtatrabaho pagkatapos mong kumain?” “Ayos lang. Malapit na akong matapos.” Kaya, tiniis ni Xiaojia ang kanyang gutom at nagpatuloy sa kanyang gawain. Sa katunayan, gutom na gutom na siya ngayon, at walang anumang gana na magpatuloy sa pagtatrabaho, subalit tiniis pa rin niya ang kanyang gutom at ipinagpatuloy ang kanyang pagkukunwari. Pagkaraan ng ilang sandali ay muli siyang tumingin sa kanyang relo, nakitang ala-una y media na ng hapon, at naisip na: “Ayos na ito. Dapat na siguro akong mananghalian ngayon.” Nang tatayo na sana siya para kumain, dinalhan siya ng isang trey ng pagkain ng isang kapatid na babae at sinabing: “Masyado nang huli! Bakit hindi umalis para mananghalian? Kahit gaano ka kaabala, kailangan mo pa ring kumain, at magkakaroon ka ng mga problema sa tiyan kung hindi ka kakain sa oras.” Sumagot siya: “Ayos lang. Kakain ako pagkatapos ko.” “Hindi mo kailangang umalis. Dinala ko na ang pagkain mo sa iyo, kaya bilisan mo na’t kumain.” “Bakit kailangang magmadali? Hindi pa nga ako nagugutom.” Pagkasabi pa lang niyang hindi siya nagugutom, kumalam nang parang kulog ang kanyang tiyan. Hinawakan ni Xiaojia ang kanyang tiyan, nahihiyang ngumiti, at sinabi sa kapatid na babae: “Huwag ka nang mag-abalang dalhan uli ako ng pagkain.” “Pero kung hindi ko gagawin, lalamig lang ang pagkain at kailangan pang initin muli. Ininit na ito ng isang beses.” “Kung gayon, salamat!” Naglalaway na kinuha ni Xiaojia ang kanyang pagkain mula sa kapatid na babae. Sobrang saya niya pagkasulyap sa trey: dalawang siopao, mga gulay, karne, at sabaw. Napaisip muli si Xiaojia nang makita ang mga siopao, at sinabi sa kapatid na babae: “Hindi ko kayang kumain ng dalawang siopao. Masyado akong abala nitong mga araw na ito, hindi makatulog nang maayos, at walang masyadong ganang kumain. Hindi ba’t sayang kung bibigyan mo ako ng dalawang tinapay? Kunin mo ang isa.” “Ayos lang. Puwede mo itong ibalik kung hindi mo talaga ito kayang ubusin,” sagot ng kapatid na babae bago umalis. Naisip ni Xiaojia sa kanyang sarili: “Bilisan mong umalis. Nagugutom na ako.” Kinuha niya ang mangkok, nakitang walang tao sa paligid subalit medyo nahihiya pa rin, at maingat na humigop. Pagkatapos ay tiningnan niya ang karne, “Aba! Malayo pa lang ay naamoy ko na ang nilagang baboy. Pero hindi ko ito puwedeng kainin agad, dahil kailangan ko munang kainin ang mga gulay ko. Mas kaunting karne ang makakain ko kung magpapakabusog ako sa gulay, kung hindi ay mauubos ko ang kalahating mangkok ng karne, at hindi ba’t nakakahiya iyon?” Saglit siyang nag-isip bago ginawa iyon. Kinain niya ang mga siopao at gulay, at hinigop ang kanyang sabaw. Habang kumakain siya, pakiramdam niya ay gusto niyang kumain ng kaunting karne kaya kumuha siya ng isang piraso ng nilagang baboy. Inilapit niya ito sa kanyang bibig, ipinikit ang kanyang mga mata, at maingat itong nilasap, “Napakasarap! Masarap talaga ang karne, pero hindi ako dapat kumain nang marami. Sapat na ang isang subo, pagkatapos ay maraming gulay at maraming sabaw.” Patuloy niyang kinain ang mga siopao, subalit patuloy na nakatitig sa karne habang kumakain, “Dapat ko bang kainin itong karne? Napakasarap nito, sayang naman kung hindi ko ito kakainin.” Nagsimula na naman siyang maglaway, at inisip niya na “Alam ko na! Pipira-pirasuhin ko ang mga siopao at isasawsaw sa sabaw. Hindi ba’t katulad lang iyon ng pagkain ng karne? Sa ganitong paraan, makikita ng iba na hindi ako kumakain ng karne, pero makukuha ko pa rin ang lahat ng lasa ng karne. Napakahusay niyon!” Taglay ang kaisipang ito, nilagay niya ang piraso ng siopao sa sabaw bago ito kunin at kainin, natuklasang masarap ito at halos katulad nang karne. Pagkatapos ay dali-daling pinira-piraso ni Xiaojia ang buong siopao at inilagay sa sabaw…. Wala pang sampung minuto, naubos na niya itong lahat, gayundin ay naubos niya ang kanyang sabaw. Isang siopao lang ang kanyang kinain, tiniis ang kanyang pagnanais na kainin ang isa pa at pinigilan ang kanyang sarili. Pagkatapos maubos ang lahat ng pagkain gaya ng pinlano, medyo nabusog na si Xiaojia, at sa tingin niya ay hindi na niya kailangan ng iba pa. Pagkatapos ay naisip niya: “Naku, hindi talaga angkop na kumain nang napakabilis, na parang nagugutom ako. Sobrang gutom talaga ako, pero hindi magandang makita ako ng mga tao nang ganoon. Kailangan kong kumain nang mabagal. Pero ano ang magagawa ko ngayong tapos na ako? Buweno, may ideya ako. Ibabalik ko ito pagkatapos ng sampung minuto.” Hinawakan niya ang kanyang relo at tinitigan ito, “Limang minuto … Sampu … Labinglima … Ayos, Alas dos. Magaling, ibabalik ko na ito!” Masaya niyang ibinalik ang natitirang nilagang baboy at siopao.

Pagkalipas ng alas dos ng hapon nang bumalik si Xiaojia. Umalis na ang kanyang mga kapatid para sa kanilang pahinga sa hapon, at wala siyang anumang kailangang gawin nang mag-isa, kaya nainip talaga siya. Naisip niya na: “Umidlip din kaya ako? Palaging mabuti ang umidlip pagkatapos kumain. Pero hindi, kung matutulog ako habang natutulog din ang lahat ng iba pa, ano ako dahil diyan? Hindi ako pwedeng matulog. Kailangan kong magpigil. Pero paano mananatiling gising? Hindi ko magagawang matulog habang nakatayo, pero kung palagi akong nakatayo magugulat sa akin ang isang tao kung bigla siyang papasok. Hindi, hindi ako pwedeng tumayo. Uupo na lang ako sa harap ng aking kompyuter. Kung may makakakita sa akin, iisipin lang nilang nagtatrabaho ako, pero nagpapahinga talaga ako. Magandang diskarte.” Kaya natural siyang umupo sa harap ng kompyuter, blangkong nakatitig dito, subalit sa loob ng limang minuto ay nakatulog siya at naghihilik sa keyboard. Makalipas ang apatnapung minuto, biglang nagising si Xiaojia mula sa kanyang mahimbing na pagkakatulog at napatalon patayo, “Hindi ba’t nakatayo ako? Paano ako nakatulog?” Tiningnan niya ang oras, nakitang gumagabi na, at umalis para maghilamos ng kanyang mukha habang walang tao roon. Pagkakita sa sarili sa banyo, sinabi niyang “Naku, hindi! Punong-puno ng marka ng keyboard ang mukha ko! Paano ako makikita nang ganito?” Dali-dali niyang pinunasan ang kanyang mukha, kinuskos at tinapik-tapik ito, at medyo matagal din siyang nasa banyo. Pagkatapos ay tumingin siya sa salamin at nakitang halos wala na ang mga marka ng keyboard, at nagalak siya sa kanyang puso: “Walang sinumang makapapansin, maliban kung pagtutuunan talaga nila ng atensiyon.” Pagkatapos nito ay sinuklay niya ang kanyang buhok at inayos ang kanyang kuwelyo, biglang napansing medyo mamantika ang kuwelyo ng kanyang mapusyaw-na-kulay na kamiseta, at sa mas malapitang inspeksiyon ay medyo marumi rin ang kanyang mga manggas. Inisip niya sa kanyang sarili, “Ilang araw na ako ngayong hindi naghihilamos o nagpapalit ng damit, pero may kaunting benepisyo ang hindi paghihilamos. Hindi kailanman nakapipinsala sa sinuman ang kaunting dumi, at hindi ako nababahala sa kaunting dungis. Sabagay, hindi ba’t mas mukhang espirituwal ang pagiging medyo marungis?” Ibinaba niya lang ang kuwelyo at manggas ng kanyang kamiseta at inirolyo ang manggas ng kanyang jacket, inilalantad ang lahat ng maruruming bahagi. Sobrang kuntento, pinasigla niya ang sarili at mahinahong naglakad palabas ng banyo. Pagkaraan ng ilang sandali karamihan sa mga tao ay nasa kanila nang mga lugar at nagsimulang maging abala sa trabaho. Nang makita ni Xiaojia na naroon na ang lahat, sinabi niya: “Hindi kayo nakaidlip nang matagal! Kaya ninyo talagang magdusa at magbayad ng halaga! Hindi man lang ako nakaidlip, pero ipinahinga lang ang aking mga mata nang isang minuto bago maghilamos ng aking mukha. Hindi ako magkakaroon ng anumang lakas kung hindi.” Walang sumagot. Nakaramdam siya ng sobrang pagkabagot, kaya nagtrabaho na rin siya. Dahil humigop siya ng masyadong maraming sabaw sa tanghalian, paulit-ulit niyang gustong gumamit ng banyo subalit pinigilan niya ang udyok, iniisip na: “Kung pumunta ako, hindi ba’t iisipin ng mga taong tamad ako? Hindi iyon magandang reputasyon, kaya hindi ako dapat pumunta.” Kaya patuloy siyang nagpigil, nagtitiis hanggang may ibang tao nang pumunta sa banyo sa wakas, at nakita niya ang kanyang pagkakataon. Mabilis siyang pumila, na iniisip, “Napakagandang sumunod lang sa karamihan, dahil walang sinuman ang magsasabi ng anuman tungkol sa akin.”

Isa itong abalang hapon. Maraming ginawang trabaho si Xiaojia, nakikipagbahaginan sa taong ito, nagtatanong sa taong iyon, naghahanap ng mga mapagkukunan, at gumagawa ng lahat ng uri ng mga gawain na nauugnay sa kanyang mga tungkulin. Pagkatapos ng lahat ng kaabalahan, sa wakas ay oras na para sa hapunan. Sa pagkakataong ito ay nahuli lang nang kaunti si Xiaojia kaysa sa iba, subalit halos natapos siyang kumain sa oras. Ang panahon pagkatapos ng hapunan ang pinakamasayang oras ng araw ni Xiaojia, dahil iyon ang tanging oras na mahinahon siyang makaiinom ng isang tasa ng kape na gusto niya, nang walang anumang paninisi sa sarili o pamumuna ng iba, kundi nang may tahimik na puso. Bakit? Dahil may sapat siyang mga dahilan kung bakit kailangan niyang uminom ng kape, mga dahilang ganap na lehitimo sa paningin ng lahat. Kaya ito ang pinakamasaya niyang oras. Habang nagtitimpla siya ng kanyang kape, bumubulong siya sa kanyang sarili, “Tsk, kailangan ko na namang mag-overtime ngayon. Hindi ko nga alam kung gaano katagal. Siguro titingnan ko na lang kung gaano katagal ako magigising ng kapeng ito.” Ikinalampag niya ang bagong timplang kape sa mesa, na parang sinasabi sa lahat, “At ano? Umiinom ako ng aking kape, ano ang gagawin mo tungkol dito?” Sumulyap siya sa ibang nasa paligid niya. Walang nakatingin sa kanya, subalit walang pakialam pa rin niyang kinuha ang kanyang tasa at humigop ng kape, iniisip na: “Sinasabi ng lahat na masarap ang kape, at masarap nga ito. Iba-iba ang lasa nito araw-araw, nag-aalok ng kakaibang karanasan. Nakamamangha ito!” Masaya, buong pagmamalaki niyang hinigop ang kanyang kape, pagkatapos ay blangkong tumingin sa kanyang panggabing trabaho. Wala talagang siyang mga layunin sa isipan, at nakaramdam ng pagod pagkatapos ng isang abalang araw, subalit pinilit ang kanyang sarili na magpatuloy. Hindi siya maaaring matulog, at hindi maaaring ipakita sa iba na siya ay pagod o may anumang pabasta-basta, iresponsable, o walang galang na saloobin sa paggawa ng kanyang trabaho o ng kanyang tungkulin. Pinilit niyang pasiglahin ang sarili at umupo sa kanyang kompyuter para patuloy na magtrabaho, at natural na uminom ng kape nang paulit-ulit. Mas marami siyang ininom, mas naging alerto siya at hindi gaanong inantok. Paminsan-minsan ay sumusulyap si Xiaojia sa kanyang relo, “Lampas ala-una na, pero hindi ako makatulog dahil itinakda kong layunin sa aking sarili ang alas-tres. Hindi man lang nga ako makatutulog ng alas dos singkwenta ng umaga, dahil paglabag iyon sa aking pangako at wala akong paliwanag para sa Diyos. Isa itong pangakong dapat tuparin ng isang nilikha, kaya dapat ko itong tuparin. Sinabi kong matutulog ako ng alas-tres ng umaga, kaya matutulog ako ng alas-tres ng umaga, kahit kailangan ko pang uminom ng maraming kape.” Kaya, uminom siya ng kape at nilabanan ang kanyang pagod, pinipigilan at kinokontrol ang sarili niyang pag-iisip. Pagsapit ng alas tres, may mahalagang gawain si Xiaojia na dapat gampanan, kaya’t kinuha niya ang kanyang telepono at nagpadala ng mensahe na nagsasabing: Kapatid na babaeng ganito-at-ganyan, si Xiaojia ito. May mahalagang paalala ako sa iyo na huwag kalimutang may pagtitipon tayo bukas ng alas-diyes ng umaga. Kinakailangang dumalo, at huwag kang mahuhuli. Nakapirma sa ibaba: Xiaojia. Kasabay ng paggaan ng loob pagkatapos ipadala ang mensahe, naisip din ni Xiaojia: “Isang bagay ang pagpapadala nito, pero paano kung hindi niya ito natanggap? Alam ba niyang pinadalhan ko siya ng mensahe? Hindi pa ako puwedeng matulog. Kailangan kong maghintay at makita kung sasagot siya.” Pagkatapos maghintay nang kalahating oras ay wala pa ring sagot, at naisip niyang: “Tulog ba siya? Bakit ang aga niyang natutulog? Walang silbi, tulog na agad nang alas tres.” Naghintay siya hanggang sa sumagot ang kapatid na babae nang alas-tres singkuwenta: Hindi ko nakalimutan ang tungkol sa alas-diyes ng umaga bukas. Sana ay hindi mo rin makalimutan, at dumating ka sa oras. Binasa ito ni Xiaojia at naisip, “Ah, anong klaseng tao ito? Bakit natutulog siya nang mas huli kaysa sa akin?” Subalit hindi na niya kinaya pa ito. “Wala nang kape! Kung magkakape pa ako ay hindi na talaga ako makatutulog ngayong gabi. Kailangan ko nang matulog, dahil kailangan kong bumangon ng alas-singko y media nang umaga, alas-sais nang umaga ang pinakahuli. Hindi ako dapat mas mahuli kaysa sa iba ko pang mga kapatid, dahil dapat kong maipakita sa lahat na ako ay nagdarasal, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at nakikinig sa mga sermon pagkatapos nilang bumangon. Kaya hindi ako dapat huling bumangon. Dahil lahat sa mensaheng ito kaya hindi ako puwedeng matulog nang maaga. Pero hindi bale, alam ng iba na huli na akong natulog. Naisakatuparan ko naman ang aking layunin, at susubukan kong matulog ng alas-kwatro bukas.” Habang sinusubukang mag-isip ni Xiaojia, hindi niya maiwasang makaramdam ng sobrang kalituhan na hindi man lang niya hinubad ang kanyang damit nang bumalik siya sa kanyang kuwarto. Bumagsak siya sa kanyang kama, kalahating tulog na, subalit pinipilit pa rin ang kanyang sariling alalahanin na: Huwag kumain ng itlog sa umaga, isang siopao lang para sa tanghalian, huwag kumain ng nilagang baboy, matulog ng alas-tres nang umaga, may mga mensahe pa ring kailangan ipadala… Nag-isip nang nag-isip si Xiaojia hanggang sa tuluyang na siyang hindi kumikilos sa pagkakahiga, nakatulog sa kapaguran, kahapuan, mga pangangarap, at delusyon. At ito ang isang araw sa buhay ni Xiaojia.

Sabihin mo sa Akin, tungkol saan ang lahat ng iyon? Hindi ba’t nakapapagod para kay Xiaojia na palaging magpanggap nang ganoon? (Oo, nakapapagod ito.) Hindi napapagod ang mga robot sa paggawa ng parehong bagay sa buong araw, dahil wala silang pag-iisip o kamalayan, subalit nakapapagod ito para sa mga tao. Bakit ganoon nabuhay si Xiaojia gayong sobra siyang pagod? Bakit niya ginawa ito? May plano ba siya? (Oo, may plano siya.) Saan ang umiikot ang kanyang plano? (Sa pagpapakitang-gilas sa iba.) May pakinabang ba sa kanya ang pagpapakitang-gilas? (Maaari nitong pahangain ang mga tao sa kanya.) Maaari nitong pahangain ang mga tao sa kanya. Pamilyar ba sa inyo ang pamamaraan ni Xiaojia? Anong uri ng mga tao ang kumikilos nang ganoon? (Ang mga Pariseo.) Tama iyan. Kinukuha ng mga Pariseo ang mabubuting pag-uugali, at mga pag-uugali at gawi na naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, at itinatanghal ang mga ito sa harap ng iba para magmukha silang mabuti at sambahin sila. Ginagamit nila ang pamamaraang ito upang makamit ang kanilang layuning iligaw ang mga tao. Ano ang pangunahing kalikasan ng pagkukunwari nila nang ganito, at paggawa ng lahat ng uri ng magagandang pag-uugali para magpakitang-gilas sa ibang tao? Isa itong pagkukunwari, panlilinlang, panlilihis—may iba pa ba? (Huwad na espirituwalidad.) Gaano karaming bagay sa araw ni Xiaojia ang may kinalaman sa mga disposisyon, at karaniwan sa lahat ng iyong may kakayahan sa pagiging huwad? Ang pagkain ng mga itlog, siopao, nilagang baboy, at pag-inom ng kape. Mga panlabas na bagay ang lahat ng ito, subalit anong diwa ang makikita mo sa mga ito? Pagkukunwari at pagpipigil sa sarili. Anong pagkukunwari? (Ang pagkukunwari ng pagdurusa.) Tinitingnan ba ng mga tao ang pagdurusa bilang isang mabuti o masamang bagay? (Isang mabuting bagay.) Ang pagdurusa ay isang mabuting pag-uugali na lubos na hinahangaan ng lahat. Itinuturing itong ano ng mga tao? Itinuturing nila ito bilang ang pagsasagawa ng katotohanan. Kaya, hindi nag-atubili si Xiaojia na magdusa at magbayad ng halaga. Ano ang kaakibat ng kanyang pagsasakripisyo? Ang hindi pagkain ng masasarap na pagkain, at pagpupuyat, paggising nang maaga, at pagdidisiplina sa kanyang katawan. Ano ang kalikasan ng mga ganitong uri ng pagdurusa? Pagkukunwari ang lahat ng ito. Hindi siya nagdusa para sa katotohanan o katwiran, kundi para sa pagpapahalaga at pagsamba ng iba, at para sa isang mabuting reputasyon at karangalan para sa kanyang sarili. Nagdusa ba siya para sa katotohanan? (Hindi, hindi siya nagdusa para sa katotohanan.) Alin sa kanyang mga pagkilos ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at nagrerebelde ba si Xiaojia laban sa kanyang sarili at isinasantabi ang kanyang mga personal na interes para sa kapakanan ng katotohanan? Mayroon bang isa sa mga ito? (Wala.) Ano ang kalikasan ng kanyang pagdurusa? Ito ba ay ang pagsasagawa ng katotohanan? Pagpapamalas ba ito ng kanyang pagmamahal sa katotohanan? (Hindi, hindi ito.) Kung gayon, ano ito? (Pagpapaimbabaw.) Ito ay pagpapaimbabaw, ito ay pagiging tutol sa katotohanan, ito ay panlilinlang, pagpapanggap, pagiging huwad, at paglilihis; ito ay pawang mga pagkilos at pagpili na batay sa kanyang sariling mga imahinasyon at kuru-kuro, at nakasentro sa kanyang sariling mga interes, at wala talaga itong kinalaman sa katotohanan. Hindi niya hinahanap ang katotohanan, kaya hindi rin katotohanan ang kanyang mga pagkilos; hindi lang walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan, lubos ding salungat ang mga ito sa mga normal na pangangailangan ng sangkatauhan na nakapaloob sa kaibuturan ng kanyang puso. Kasalanan bang kumain ng mga itlog? (Hindi, hindi ito kasalanan.) Subalit tiningnan ni Xiaojia ang pagkain ng mga itlog bilang pagiging gahaman. Ang mga itlog ay isang uri ng pagkaing nilikha ng Diyos para sa tao. Kung may kakayahan kang kumain ng mga ito, hindi pagiging gahaman ang gawin ito, pero kung wala kang kakayahang kumain ng mga ito, at magnanakaw ka at kakainin ang mga itlog ng iba, iyon ang pagiging gahaman. Paano tinukoy ni Xiaojia ang bagay na ito? Naniwala siyang gahaman ang pagkain ng itlog, at mas gahaman pa kung makikita ito ng iba. Inisip niya na kung kakain siya ng mga itlog nang walang nakakakitang sinuman, malayo sa kanilang paningin, hindi iyon pagiging gahaman. Ano ang kanyang pamantayan sa pagsukat ng pagiging gahaman? Ito ay batay sa kung may nakakakitang sinuman. Ibinatay niya ba ito sa mga salita ng Diyos? Hindi, sarili niyang personal na pananaw iyon. Sa katunayan, may anumang saloobin o pananaw ba ang iba sa usaping ito ng pagkain ng mga itlog? (Wala, wala silang anumang saloobin o pananaw.) Isa lang itong teorya na gawa-gawa mismo ni Xiaojia. Naniwala siyang ang pagkain ng mga itlog para sa almusal ay pagiging gahaman, pagpapakasasa sa kaginhawahan, at pagpapakita ng konsiderasyon sa laman. Batay sa kanyang pananaw, kung gayon, hindi ba’t ang lahat ng kumakain ng mga itlog ay nagpapakasasa sa kaginhawahan at nagpapakita ng konsiderasyon sa laman? Ang ipinahihiwatig niya ay: “Kapag kumain kayong lahat ng mga itlog, nagpapakita kayo ng konsiderasyon sa laman. Hindi ako nagpapakita ng konsiderasyon sa laman, kaya kong pigilan ang aking sarili, kaya hindi ako kumakain ng mga itlog. Maglagay kayo ng mga itlog sa harap ko at kaya ko pa ring ibalik ang mga ito, kahit na pagkatapos damputin ang mga ito. Iyan lang ang uri ng pagpapasiya at determinasyon na mayroon ako, at ganoon ko kamahal ang katotohanan. Kaya ba ninyong gawin iyon? Kung hindi ninyo kaya, hindi ninyo minamahal ang katotohanan.” Paano niya itinuturing ang kanyang ideya? Bilang ang pamantayan sa pagsukat ng tama at mali. Hindi ba’t ito pagiging huwad? (Oo, ito ay pagiging huwad.) Pagiging huwad ito.

Ang isa pang pagpapamalas na ipinakita ni Xiaojia ay ang hindi niya pagkain sa oras ng tanghalian. Ano sa halip ang ginagawa niya? (Ipinagpapaliban niya ito.) Pinipigil niya ang kanyang gutom at ipinagpapaliban ang pagkain. Subalit bakit? (Para magpakitang-gilas sa iba.) Nagpapakitang-gilas siya, at ginagawa ito para makita ng iba. Ano ang gusto niyang makita at maunawaan ng iba mula rito? Gusto niyang ipakita sa iba kung gaano kalaking pagdurusa ang kaya niyang tiisin, at kung gaano siya kasipag, katapat, kasigasig, at karesponsable sa kanyang trabaho! Gusto niyang makita ng mga tao na isa talaga siyang pambihirang tao! Kung gayon ay makakamit niya ang kanyang layunin; iyon ang gusto niyang pagtatasa. Ano ang ibig sabihin ng pagtatasa na iyon sa kanya? Ito ang kanyang buhay, ang kanyang dugo. Pagmamahal ba ito sa katotohanan? (Hindi, hindi ito pagmamahal sa katotohanan.) Kaya, ano ang gusto ng mga taong tulad niya? Hindi sila nag-aatubiling magpakitang-gilas, nagpaplano at nagpapakana, at nanlilinlang sa iba sa pamamagitan ng pagbabalat-kayo, ipinapakita sa mga ito kung gaano nila kayang magdusa, at sa gayon ay nakatatanggap ng mga komento mula sa mga ito tulad ng: “Kaya mo talagang magtiis ng pagdurusa. Isa ka talagang taong nagmamahal sa Diyos, at ginagawa mo ang iyong tungkulin nang may katapatan.” Hindi sila nag-aatubiling gumamit ng mga huwad na anyo at panlilinlang para itago ang mga aktuwal na katunayan, linlangin ang Diyos at lokohin ang ibang tao, lahat para makakuha ng magandang salita o isang paborableng pagtatasa mula sa iba. Anong klaseng disposisyon ito? (Isang buktot na disposisyon.) Buktot ito. Napakahusay nila sa pagpapanggap, at sa pagpapakitang-gilas, at panlilinlang! Pagkain lang ito, anong problema sa pagkain nang mahinahon? Sinong nabubuhay na tao ang hindi kumakain? Kasalanan ba ang kumain sa oras? Kasalanan ba ang humanap ng makakain kapag ang isang tao ay nagugutom? (Hindi, hindi ito kasalanan.) Isa itong pisikal na pangangailangan; makatwiran ito. Tinatrato ng mga taong ito ang lahat ng makatwirang pangangailangan bilang hindi makatwiran at kinokondena ang mga ito. Ano ang itinataguyod nila? Itinataguyod nila ang patuloy na pagdidisiplina sa katawan, itinatago ang mga tunay na katunayan, at nagbabalat-kayo para makita ng iba kung paano sila nagdurusa, kung paano nila pinipigilang magpakasasa sa kaginhawaan, at kung paano sila nagbabayad ng halaga, at naghahandog ng kanilang oras, lakas, at lahat ng mayroon sila para sa kanilang trabaho. Ito ang gusto nilang makita ng mga tao. Ito ba talaga ang ginagawa nila? Hindi, hindi ito. Nililihis nila ang iba sa pamamagitan ng mga huwad na anyo, at ito ay isang pagpapamalas ng isang buktot na disposisyon. Nagsusumikap sila nang labis para sa isang napakawalang-kuwentang bagay tulad ng pagkain—anong klase ng mga tao sila? Ito ba ang dapat gawin ng isang taong may normal na pagkatao? (Hindi, hindi ito.) Hindi ito ang dapat gawin. Masyado itong tuso! Sasang-ayunan o kasusuklaman ba ng karamihan ng mga tao kung marinig nila ang tungkol sa isang taong masyadong nagpapakitang-gilas sa isang maliit na bagay? (Masusuklam sila.) Kaya ninyo bang kumilos nang ganito? (Minsan.) Kasing lubha nito? (Hindi.) Mahirap tiisin ang gutom, subalit kaya ng ilang taong tiisin ang pagdurusang ito. Kung hihingin mo sa kanilang magpasakop sa mga salita ng Diyos, gumugol ng pagsisikap sa Kanyang mga salita, kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos, at magsalita nang matapat, makikita nilang sobrang nakapapagod at napakahirap nito. Para sa mga taong ito, ang pagsusuko ng kanilang mga sariling interes at pagpapahalaga sa sarili ay mas mahirap pa kaysa sa pag-akyat sa langit, subalit handa sila, anuman ang halaga, na isantabi ang mga salita ng Diyos, kumilos nang naaayon sa mga sarili nilang imahinasyon, at protektahan ang sarili nilang mga makalamang interes. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng hindi pagmamahal sa katotohanan? (Oo, pagpapamalas ito.) Isa itong aspekto.

Anong iba pang mga pagpapamalas ang ipinakita ni Xiaojia? Sobra siyang inaantok subalit hindi siya natulog. Sabihin mo sa Akin, kung inaantok ang isang tao at natutulog saglit, o umiidlip nang mabilis, at pagkatapos ay may dagdag na lakas para sa trabaho, hindi ba’t makatwiran ito? (Oo, makatwiran ito.) Makatwiran ito. May sinuman bang kokondena kay Xiaojia dahil sa pagtulog? (Wala, hindi nila ito gagawin.) Kaya, bakit sobra siyang natakot, kung walang sinumang kokondena sa kanya? Ano ang kinatakutan niya? (Ang may masabi nang hindi sinasadya.) Tama iyon, natakot siyang may masabi nang hindi sinasadya. Sa kanyang mga imahinasyon, naniniwala siyang pinahahalagahan siya ng lahat, na iniisip ng lahat na partikular siyang may kakayahang magtiis ng pagdurusa, at bukod-tanging maka-Diyos. Pakiramdam niya na kapag nalantad ang mga tunay niyang kulay, at natuklasan ng lahat na hindi siya ganoong klase ng tao, babagsak ang kanyang buong magandang imahe. Hindi niya ito kayang maatim, at kaya pinigilan niya ang kanyang sariling umidlip man lang. Ganoon siya kahigpit sa kanyang sarili. Anong klaseng tao siya? Hindi kaya may sakit siya sa pag-iisip? Ang mga taong tulad nito ay nakikinig sa mga sermon, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at madalas na nagtitipon para sa pagbabahaginan, kaya paanong hindi sila tumutuon sa katotohanan? Mahusay para sa iyong pag-isipan ang mga katotohanang prinsipyo. Tingnan mo kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos: Mayroon bang anumang deklarasyon tungkol sa mga taong umiidlip sa mga salita ng Diyos? (Wala, walang anuman.) Hindi gumawa ng anumang deklarasyon ang Diyos tungkol sa bagay na ito, o binanggit man lang Niya ito. Dapat malaman ng sinumang nagtataglay ng pag-iisip ng normal na pagkatao kung paano ito haharapin. Makatuwirang umidlip kapag inaantok ka. Makatuwirang magpahinga sa hapon sa isang mainit na tag-araw. Sa partikular, may ilang matandang tao, na hindi kayang makasabay pagdating sa kanilang katawan, antas ng enerhiya, at iba pa, na kinakailangang matulog nang ilang saglit pagkatapos ng tanghalian. Hindi ito batay sa kanilang mga gawi sa pamumuhay, kundi sa kanilang mga pisikal na pangangailangan. Binigyan ka ng Diyos ng kabatiran, kamalayan, at mga tugon ng normal na pagkatao para pahintulutan kang pangasiwaan ang iyong pang-araw-araw na pagkain, pagpapagal, at pahinga ayon sa iyong sariling trabaho at kapaligiran; hindi mo dapat abusuhin ang iyong sarili. Halimbawa, ipagpalagay na hindi ka kumakain ng mararangyang pagkain at sinasabi na, “Hindi pinahihintulutan ng Diyos ang mga tao na kumain ng masasarap na pagkain; nagiging gahaman ang mga tao sa palaging pagkain ng masasarap na pagkain.” Hindi ito kailanman sinabi ng Diyos, at wala Siyang ganitong uri ng hinihingi para sa mga tao. Subalit ito ang inakala ni Xiaojia, at inisip niyang malamang na ganoon din ang iniisip ng Diyos. Inisip ni Xiaojia na kung ang isang tao ay natutulog nang masyadong maaga, pagpapakasasa ito sa kaginhawahan, at hindi ito gusto ng Diyos. Hindi ba’t hindi ito pagkaunawa sa katotohanan? (Oo, hindi nga.) Nang hindi nauunawaan ni Xiaojia ang katotohanan, hinanap niya dapat ito, subalit hindi niya iyon ginawa, kumilos lang siya nang naaayon sa kanyang sariling subhetibong kalooban. Hanggang saan niya ito dinala? Uminom siya ng tatlo o apat na tasa ng kape sa isang araw, para lang makapagpuyat siya sa gabi. Sinasabi ng ilang tao na: “Marami akong nainom na kape habang ginagawa ang aking tungkulin nitong mga nakaraang ilang taon para magawa ko ang gawain ng sambahayan ng Diyos.” Kung sasabihin ng ibang tao na, “Sino ang nagpainom sa iyo ng kape? Hindi ba’t pinili mo itong inumin?” iisipin niya sa sarili niya na, “Alam mo kung bakit ako umiinom ng kape? Hindi ito para magpuyat, ito ay para magbawas ng timbang. Hindi mo ba alam iyon? Subalit hindi ko masasabi sa iyo iyon, dahil malalaman mo kung ganoon. Magmumukha ba akong payat kung mas payat ka kaysa sa akin?” Mapagkalkula talaga ito, tama ba? Anong mga pananaw at ideya ang nakapaloob dito? Mayroon bang anumang pagkaunawa o pagkamakatwiran ng normal na pagkatao? (Wala, walang ganoon.) Wala, may nakapaloob lang dito na mga tagisan ng talino, mga pandaraya at pakana, pagpapanggap, pagiging huwad, at panlilinlang. Iyon lang ang mayroon. Ito ay pagiging mapagkalkula sa tuwing may nangyayaring isang bagay. Talagang hindi nila sasabihin sa sinuman ang kanilang mga matapat na pananaw at kaisipan, lalong hindi ang pahintulutan ang lahat na malaman, o pahintulutan ang Diyos na makita. Ang kanilang mentalidad ay hindi isa ng, “Inilalantad ko ang aking sarili. Ang aking mga pagkilos ay naaayon sa aking mga iniisip, at ganyan lang ako.” Siguradong hindi ganito ang mentalidad nila, kaya ano ito? Nagkukubli at nagkukunwari sila hanggang sa makakakaya nila, natatakot na ang imahe nila sa iba ay hindi sapat na maganda, deboto, o espirituwal.

Bakit ginustong magpuyat ni Xiaojia sa gabi? Maraming uri ng trabaho ang hindi kinakailangang gawin sa kalaliman ng gabi, at halos inaantok na ang mga tao pagkalipas ng alas-diyes ng gabi. Kahit na magpatuloy sila sa pagtatrabaho, hindi ito magiging epektibo, dahil may hangganan ang lakas ng mga tao. Subalit palaging pinipilit ni Xiaojia ang kanyang sarili, walang pakialam kung epektibo ba ito, kahit na alam na alam niyang hindi ito epektibo. Bakit siya nagpadala ng mensahe bago matulog? (Para mapansin ng iba.) Para masaksihan ng iba na natutulog siya nang alas-tres. Kahit na hindi ka natutulog buong gabi, hindi ba’t ikaw naman ang aantukin sa huli? At hindi ba’t ikaw ang nagdulot niyon sa iyong sarili? May ilang tao na nagpupuyat sa gabi at nagpapadala ng mensahe nang alas-tres ng umaga. Kapag ang tumanggap ng mensage ay tumugon ng alas-kuwatro nang umaga, naghihintay sila hanggang alas-singko nang umaga para tumugon, para maipakitang mas huli pa silang natutulog. Pinahihirapan nila ang kanilang sarili at pinipinsala ang isa’t isa sa ganitong paraan, at sa huli ay walang kahit sino sa kanilang natutulog buong gabi. Hindi ba’t isang pares sila ng mga pabara-barang hangal? Anong klaseng pag-uugali iyan? Kahangalan ito. Saan nanggagaling ang ganitong uri ng pag-uugali? Nagmumula itong lahat sa isang tiwaling disposisyon. Sa ngayon, hindi natin titingnan kung saang tiwaling disposisyon nagmumula ang pag-uugaling ito, sasabihin lang natin kung gaano ito katawa-tawa. Maaaring baguhin ng mga taong ito ang ganitong uri ng katawa-tawang pag-uugali at kasanayan sa pamamagitan ng pagpili ng alinman sa mga salita ng Diyos para isagawa. Alinman sa Kanyang mga salita ay makakapagbigay sa kanila ng kakayahang mamuhay nang payapa at ligtas, at gawing mas makatotohanan at praktikal ang kanilang buhay. Bakit hindi nila pinipiling mamuhay ayon sa salita ng Diyos? Bakit nila pinapahirapan ang sarili nila nang ganito? Hindi ba’t inaani nila ang kanilang itinanim? (Oo, ganoon nga.) Gaano man nagdurusa nang ganito ang isang tao, palagi itong magiging walang kabuluhan, at gaano man karaming pagdurusa ang kanyang tinitiis, siya ang magpapasan ng mga kahihinatnan nito. Sinasabi ng ilang tao na: “Nananalig ako sa Diyos sa lahat ng taong ito, at naging lider ako sa loob ng 20 taon. Palagi akong nagpupuyat at hindi natutulog, at sa huli, nagdusa ako sa matinding kapaguran.” Sinasabi ko: “Nakaligtas ka sa pagkakaroon ng matinding kapaguran. Kung patuloy mong g pahihirapan ang iyong sarili nang walang kabuluhan at kikilos nang ganyan, hindi nalalayo ang sikosis.” Maaari bang maging malusog ang isang tao kung hindi siya natutulog sa gabi, palaging ninenerbiyos, at abnormal ang paggana ng kanyang katawan? Siya ang nagdulot nito sa kanyang sarili! Sabihin nating sinasabi mo sa kanya, “Ang pagkilos sa ganyang paraan ay hindi dapat. Gawin mo ang iyong makakaya para ayusin ang iyong trabaho para sa araw, at dagdagan ang iyong pagiging produktibo. Kapag pinag-uusapan ng lahat ang trabaho, huwag masyadong magsalita nang walang katuturan at huwag masyadong magsalita tungkol sa hindi mahahalagang bagay. Dapat mong maarok ang mga pangunahing punto, sentro, at tema ng talakayan, at kapag tapos na ito, dapat ipagpatuloy ng lahat ang mga sarili nilang gawain. Huwag sumatsat nang sumatsat, at huwag magtatamad-tamad.” Hindi siya makikinig sa iyo. Hindi siya magaling sa pagpapahayag ng kanyang sarili, subalit hindi siya nagbubuod ng mga karanasan, nagsasalita lang siya nang walang kabuluhan para mag-aksaya ng oras hanggang ala-una o alas dos nang umaga, hindi natutulog o pinatutulog ang iba. Hindi ba’t pagpapahirap at pamiminsala ito sa iba? Sa wakas, iniisip niya na, “O Diyos ko, nakita Mo, hindi ba? Alas tres na at hindi pa rin ako natutulog!” Nakita ito ng Diyos. Nakita Niya hindi lang kung ano ang nasa labas, kundi pati na rin ang kaibuturan ng kanyang puso, at sinasabi Niya na: “Marumi ang iyong puso. Nagpupuyat ka magdamag sa walang kabuluhang pagdurusa, pero hindi ito kailanman maaalala ng Diyos. Kapag oras na para matulog, hindi ka natutulog, sa halip ay pinipilit ang iyong sariling manatiling gising. Ikaw ang nagdala ng paghihirap na ito sa iyong sarili!” Kapag inaantok ang mga tao, natural na nagsasara ang kanilang mga talukap. Likas na kilos ito, kaya karapat-dapat kang magdusa kung palagi kang lumalaban sa mga likas na kilos at batas ng kalikasan! Hindi hihingin sa iyo ng Diyos na tiisin ang pagdurusa na walang kabuluhan, o dulot ng mga paglabag sa mga batas ng kalikasan, o mga paglabag sa mga prinsipyo o katotohanan. Kung igigiit mo ang mga ganitong uri ng pagdurusa, e di ganoon na nga. May ilang tao na, kapag narinig nila na ang isang tao ay hindi natutulog hanggang alas-tres ng umaga, ay iniisip na, “Hindi ba’t katulad ko rin iyon? Puwes matutulog ako ng alas tres y medya nang umaga sa hinaharap. Pagkatapos ay nababalitaan nilang may natutulog ng alas-tres y medya nang umaga, kaya gusto nilang matulog ng alas-kuwatro nang umaga. Hindi ba’t isa itong sakit sa pag-iisip? Puwede kang makipagkumpitensya sa anumang bagay, at pinipili mong makipagkumpitensya tungkol sa kung sino ang pinakahuling natutulog—nangangahulugan itong abnormal ka sa pag-iisip. May problema ba sa pag-arok ang gayong mga tao? (Oo, may problema sila.) Hindi nila kayang maarok ang katotohanan. Kapag may oras ka, tigilan mo ang pagsisikap, labis na pag-iisip, at pag-iisip sa mga bagay tulad ng iyong panlabas na pag-uugali, pagpapanggap, at pagiging huwad. Ano, kung gayon, ang dapat mong pagsikapan? Tingnan mo kung paano inilalantad ng mga salita ng Diyos ang tiwaling kalikasan at buktot na disposisyon ng sangkatauhan, at kung paano Niya inilalantad ang pagiging pabasta-basta ng mga tao. Magsikap na ikumpara ang iyong sarili sa mga salitang ito ng Diyos na naglalantad sa tao, pagnilayan kung gaano karaming pagpapamalas na inilalantad ng Diyos ang mayroon ka, at kung gaano karami sa mga ito ang madalas mong ikinikilos o inihahayag. Napakabuting bagay na ibuod ang mga bagay na ito! Kasuklam-suklam para sa isang tao na palaging magsikap para sa ilang itlog o siopao, o sa paglulubog ng mga bagay-bagay sa sabaw! Ano iyan? Ito ay pagkakalkula at kawalan ng karunungan. Ano ang isang taong tulad niyon? (Isang hangal.) Mahusay na pagkakasabi. Pagdating sa mga taong palaging isinasaalang-alang kung gaano karaming itlog ang kakainin, o palaging iniisip ang tungkol sa pag-inom ng kape para makapagpuyat sa gabi, hindi kalabisan na tawagin silang mga hangal na nahuhumaling sa pagkain. Sa mga aling larangan sila hangal? Bakit sinasabi nating hangal ang mga taong ito? (Ganap na walang kwenta ang pinagdurusahan nila.) Talagang wala itong kwenta. Bakit mo gugustuhing gawin ang gayong mga asal-batang bagay? Sa palagay mo ba na ang panghabambuhay na hindi pagkain ng itlog ay magbibigay sa iyo ng kakayahang maunawaan ang katotohanan? Hindi ba’t kahangalan ang pagkilos nang ganito? (Oo, kahangalan ito.) Huwag kang gumawa ng mga kalokohan. Anong klase ng mga tao ang karaniwang gumagawa ng mga kalokohan? (Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa.) May kakayahan ba ang mga taong ito na maarok ang katotohanan? (Wala, wala silang kakayahan.) Sinasabi ng ilang tao na: “Mabuti ang kakayahan nila, at napakahusay nilang mangaral.” Maaaring mahusay silang mangaral, subalit bakit palagi silang nakikisali sa mga gawaing asal-bata tuwing dumarating ang oras ng pagkilos? Bakit kumikilos sila sa paraang asal-bata at katawa-tawa? Anong nangyayari rito? Nagsasalita sila sa isang paraan subalit kumikilos ng iba. Ang sinasabi nila ay ang tungkol sa kanilang doktrinal na pang-unawa, at ang ginagawa nila ay ang mga bagay na tunay nilang nauunawaan at kaya nilang tanggapin. Sa kaibuturan, ineendorso o kinikilala ba nila ang mga doktrinang ipinangangaral nila? (Hindi, hindi nila kinikilala ang mga ito.) Hindi nila kinikilala na ang mga bagay na iyon ay ang katotohanan, o pamantayan na dapat nilang isabuhay at sundin. Sa katunayan, ito ay ang mga pakana at kuru-kuro sa kanilang puso, ang mga pekeng ideya at gawi, at ang mga pag-uugali na itinuturing na mabuti ng iba, na pinaniniwalaan talaga nilangpamantayan at mga landas ng pagsasagawa. Hindi ba’t tinatanggal ang gayong mga tao kung hindi sila kailanman magbabago? Magkakaroon ba sila ng anumang pagkakataon ng kaligtasan? May kaunting pag-asa.

Sabihin mo sa Akin, makatwiran bang humawak ng payong o magsuot ng salakot sa mainit na araw? (Oo, makatwiran ito.) Mabilis masusunog ang balat ng mga taong nagtatrabaho sa araw kung hindi sila magsusuot ng sumbrero, kaya lubos na makatwiran na gawin ito. May ilang tao na hindi nag-iisip nang ganito, at nagsasabing: “Magsuot ng salakot? Hindi ba’t insulto iyon sa akin? Puwede ba akong magsuot ng sumbrero? Hindi ako natatakot sa pagdurusa, o sa pangingitim. Sa katunayan, mabuti ito sa kalusugan.” Kung ito ang talagang iniisip nila, hindi ito isang problema, subalit ang susi ay na, sa kaibuturan, hindi ganito ang iniisip ng ilang tao. Iniisip nila na, “Tingnan ninyo ang sarili ninyo, nakasuot ng salakot dahil natatakot mangitim o masunog ang balat sa mainit na araw. Hindi ako magsusuot ng isa! Ano ang dapat katakutan sa pangingitim o sa pagkasunog ng balat? Gusto ng Diyos ang mga bagay na iyon, kaya wala akong pakialam kung ano ang iniisip ng iba!” Ano ang tingin mo sa mga taong nagsasabi nito? Sa tingin mo ba ay medyo mapanlinlang sila, medyo huwad? Sa katunayan, may motibo sa likod ng kanilang pagtangging magsuot ng sumbrero, na ito ay para ipakita sa mga taong kaya nilang magdusa at na sila ay talagang espirituwal. Kasuklam-suklam ang ganitong uri ng mapagkunwaring pag-uugali! Magagawa ba ng mga taong ganito kagaling magpanggap ang kanilang mga tungkulin nang maayos? Kaya ba nilang magdusa at magbayad ng halaga para sa kanilang mga tungkulin? Kapag nangitim sila o nasunog ang kanilang balat sa araw, hindi ba sila magrereklamo at sisisihin nila ang Diyos? Hindi kailanman nagsasagawa ng katotohanan ang mga mapagpaimbabaw na Pariseo, kundi nagpapanggap ng espirituwalidad. Kaya ba talaga nilang magdusa at magbayad ng halaga? Batay sa diwa ng mga mapagpaimbabaw, makikita mong wala silang anumang pagmamahal sa katotohanan, at na mas maliit pa nga ang kanilang kakayahang magdusa o magbayad ng halaga para rito. Higit pa rito, kahit gaano pa karaming salita ng katotohanan ang naririnig nila, hindi nila kailanman pinakikinggan o inuunawa ang mga ito bilang ang katotohanan, sa halip ay tinatrato at ipinangangaral nila ang mga ito bilang isang uri ng teoryang espirituwal. Hindi nauunawaan ng mga ganitong uri ng mga mapagpaimbabaw kung bakit nananalig ang mga tao sa Diyos, kung bakit gusto Niyang ibigay ang katotohanan sa mga tao, kung ano ang proseso ng pagtanggap ng mga tao sa pagliligtas ng Diyos, kung nasaan ang kahalagahan nito, at kung ano talaga ang ibig sabihin ng Diyos sa kaligtasan. Hindi nila nauunawaan ang alinman sa mga katotohanang ito. Kung may isang mapagpaimbabaw sa isang iglesia na hindi nagmamahal sa katotohanan subalit gusto ang pagiging huwad, talagang tunay na Pariseo siya. Binibigyang-pansin niya ang pag-uugali, mga pagpapakita, at mga pagtatasa ng mga tao sa kanyang puso, at gaano man karaming katotohanan ang naririnig niya, hindi niya ito kailanman isinasagawa. Tama ang lahat ng sinasabi niya, at nakakapagsalita siya ng tungkol sa bawat uri ng doktrina, subalit hindi niya isinasagawa ang ipinangangaral niya. Kung may sinumang tunay na nakasasabay sa kanya, pareho ba silang uri ng tao? (Oo, pareho sila.) Paano titingnan ng isang taong may normal na pag-iisip ang mga pagpapamalas na ito ng mapagpaimbabaw? Iisipin niyang, “Mali ang pamamaraan nila sa pagsasagawa, hindi ba? Bakit napakakakatwa nito? Kapag oras nang kumain, dapat lang silang kumain, kaya bakit nagpapaligoy-ligoy pa sila tungkol dito?” Sasabihin niyang kakatwa ang taong ito, na iba ang pagkakaunawa niya sa mga bagay-bagay kaysa sa iba, sa isang baluktot na paraan—at hindi siya maaapektuhan ng mga ito. Subalit kung ang isang tao ay parehong uri ng tao gaya ng mapagpaimbabaw na ito, at partikular na nagbibigay ng pansin sa panlabas na pag-uugali at mga opinyon ng mga tao, makikipagkumpara at makikipagkumpitensya siya sa kanila. Katulad lang ito ng kung paanong nagpadala ng mensahe si Xiaojia nang alas tres nang umaga, at tumugon ang nakatanggap ng mensahe nang alas kuwatro, iniisip na: “Nagpadala ka sa akin ng mensahe nang alas tres ng umaga, kaya sasagot ako ng alas kuwatro ng umaga,” at pagkatapos ay naisip ni Xiaojia na, “Sumagot ka sa akin ng alaskuwatro ng umaga, kaya ipapadala ko ang sa akin nang alas singko ng umaga. Sa paglipas ng panahon, sa pakikipagkumpitensya nang ganito, unti-unting nagiging mapagpaimbabaw ang lahat. Kung ganitong uri ng tao ang isang lider ng iglesia, at walang pagkilatis ang mga kapatid, nasa panganib sila, maaari silang mailigaw anumang oras. Bakit ko sinasabi ito? Madali para sa isang taong hindi nakakauunawa sa katotohanan na mailigaw at maimpluwensiyahan ng panlabas na mabuting pag-uugali ng iba. Dahil hindi niya alam kung ano ang tama, naniniwala siya sa kanilang mga kuru-kuro na mabuti ang gayong pag-uugali. Kung magagawa ng ibang tao ang gayong mga pag-uugali, magiging sentro ang taong iyon ng kanyang paghanga, at iisipin niyang dapat na ang taong iyon ay maging lider, magawang perpekto, at mahalin ng Diyos. Sasang-ayunan niya ang ganitong uri ng pag-uugali, at pagtitibayin ito sa kaibuturan ng kanyang puso. Ano ang mangyayari kung pagtitibayin niya ito? Susundan niya ang taong iyon. Kung pareho silang lider, makikipagkumpara at makikipagkumpitensya sila sa isa’t isa. Minsan, nagtipon online ang mga lider at manggagawa mula sa mga iglesia sa iba’t ibang bansa. Pagkatapos kong mag-online at makinig saglit, naramdaman kong may hindi tama. Naisip ko, “Ano ang ginagawa ng mga taong ito rito? Nangangaral ba sila?” Matapos maunawaan ang sitwasyon, napagtanto kong nagdarasal sila. Nagtaka ako sa Aking Sarili kung bakit ganoon sila magdasal. Nakakatakot itong pakinggan, sobrang nakakakilabot at napakapangit lahat nito. Hindi iyon isang malaking bagay sa sarili nito, kaya ano ang pangunahing problema? Parang nagdarasal sila nang nakabukas ang kanilang mga mata, hindi sa harap ng Diyos, at hindi sinasabi kung ano ang nasa kanilang puso. Sa halip, nakikipagkumpitensya sila para makita kung sino ang pinakamagaling magsalita, kung sino ang makapagsasalita ng tungkol sa mas maraming doktrina, at kung sino ang nagsalita nang pinakamalawak at pinakamalalim. Nagtunog ito na parang isang labanan sa isang arena, at tiyak na hindi parang panalangin sa Diyos. Hindi pa ba tapos ang mga taong ito? Hindi pa ba sila tinatanggal? Nang may mga taong tulad nito na nagsisilbing mga lider, gaano kalaking pagdurusa ang kinakailangang tiisin ng mga nasa ibaba nila? Hindi ba’t napipinsala ang mga taong nasa ibaba nila? Ang bawat tao ay masigasig na nagdarasal nang hindi bababa sa 20 minuto, at sa kabila ng mga itinakda ng Itaas na ang mga pagtitipon ay hindi dapat dominahin ng sinumang tao, at na ang mga tao ay maaari lang magbahagi sa loob ng 5 hanggang 10 minuto, walangpakundangan pa rin silang gumamit ng napakaraming oras sa pagdarasal. Kinalaunan, naunawaan ko na sa wakas kung bakit napakaraming pagtitipon ang tumatagal mula umaga hanggang gabi: Ang mga lider kunong ito ay gumugugol ng mahabang oras para lang sa pagdarasal, isa pagkatapos ng iba, habang nagdurusa ang mga nasa ibaba nila. Ang mga huwad na lider na ito ay naroroon para makipagtagisan sa salita, para sumatsat nang sumatsat, na may ilang sobrang gulo na nalimutan na nila kung may nasabi na ba silang isang bagay. Para sa kanila, ayos lang ang lahat, hangga’t mas matagal silang nagsalita kaysa sa iba. Naguluhan ako: Kapag nagdarasal ang isang tao, dapat ay nagdarasal siya sa Diyos nang nakapikit, kaya bakit nakadilat ang kanyang mga mata? Hindi ba talaga nagulo ang kanyang isipan na imulat ang kanyang mga mata at tingnan kung paano nagdarasal ang ibang tao? Lalo na’t kinakailangang isipin ang tungkol sa kung paano nagdarasal ang iba at kung aling mga salita ang ginagamit nila, at ginugustong maging mas superyor sa kanila—na may pusong puno ng mga bagay na tulad nito, posible bang magdasal sa Diyos at magsalita nang mula sa puso? Hindi ba’t ito ay abnormal na katwiran? Hindi ba’t pagpapamalas ang lahat ng mga ito ng huwad na espirituwalidad ng mga huwad na lider at mga huwad na manggagawa? Isang mabuting bagay para sa lahat na sama-samang magtipon, at magbasa ng mga salita ng Diyos, at magbahaginan tungkol sa katotohanan, subalit may ilang tao na nag-ulat na: “O, wala kang ideya. Kapag nagtitipon at nagdarasal ang mga lider na iyon, para nilang inaawit ang mga kasulatan; paulit-ulit silang nagsasalita tungkol sa isang bagay, at pareho-pareho ito sa tuwing nagtitipon kami. Pagod na akong marinig ito.” Paano pinaghuhusay ng mga pagtitipong tulad nito ang mga tao? Palagi itong ginagawa ng mga huwad na lider at manggagawa; kaya ba nilang umayon sa kalooban ng Diyos? Hindi nila binibigyang-pansin ang pagbabahaginan tungkol sa katotohanan para tulungan ang mga taong maunawaan ito, o para lutasin ang mga problema sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa katotohanan; sa halip, nakikibahagi sila sa huwad na espirituwalidad ng relihiyon. Hindi ba’t pagliligaw ito sa mga tao? Ano ang problema rito? Hindi talaga nila nauunawaan ang kalooban ng Diyos, ni ang Kanyang mga hinihingi sa mga tao. Nakikisali lang sila sa mga relihiyosong ritwal at nagpapakitang-gilas! Ang mas masahol pa, ginagamit nila ang panalangin para ilantad, atakihin, at kondenahin ang iba, habang ang ilan ay ginagamit ang panalangin para bigyang-katwiran ang kanilang sarili. Tila para sa pandinig ng Diyos ang mga panalangin nila, subalit sa katunayan para sa tao ang mga ito. Samakatuwid, ang mga taong ito ay walang kahit katiting na may-takot-sa-Diyos na puso, silang lahat ay mga walang pananampalataya na nanggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang mga huwad na lider na ito ay nagbubunyag ng napakaraming kapangitan sa kanilang mga panalangin. Ang ilan ay nagdarasal, nagsasabi ng mga bagay tulad ng: “O Diyos ko, hindi ako naunawaan ng ilang tao. Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Nagdarasal ako sa Iyo, hindi ako nakararamdam ng negatibo, at pwedeng isipin ng ibang tao ang gusto nilang isipin.” May ilang nagsasalita tungkol sa mga doktrina, at ang iba ay nakikipagkumpitensya sa kung sino ang nakikinig sa mas maraming sermon, sino ang nakaaaalala ng pinakamaraming titik ng himno o mga salita ng Diyos, sino ang gumugugol ng pinakamaraming oras sa pagdarasal, sino ang pinakamagaling magsalita, o sino ang may pinakamaraming iba’t ibang paraan ng pagdarasal, at gumagamit ng maraming iba’t ibang uri ng panalangin. Panalangin ba ito? (Hindi, hindi ito panalangin.) Ano ito? Ito ay walang prinsipyong paggawa ng kasamaan! Ito ay ang paglalaro at pagyurak sa katotohanan, paninirang-puri at paglapastangan sa Diyos! Nangangahas ang mga diyablo at walang pananampalatayang ito na sabihin ang anuman sa pamamagitan ng panalangin—sabihin mo sa Akin, tunay ba silang mga mananampalataya? May kahit katiting ba silang kabanalan? (Wala, wala silang kabanalan.) Ang mga taong tulad nito ay nagiging negatibo kapag tinanggal ang kanilang katayuan bilang isang lider, hindi talaga sila nagninilay sa kanilang sarili, sa halip ay nagrereklamo kahit saan: “Labis akong nagdusa sa gawain ko para sa Diyos, pero sinasabi pa rin nilang wala akong ginawang aktuwal na trabaho at na isang akong huwad na lider, at pinalitan ako. Higit pa rito, gaano karaming tao ang makapasagsalita tungkol sa mga doktrina nang kasing-komprehensibo ko? Gaano karami ang may habag ko? Isinuko ko ang aking pamilya at propesyon, at ginugol ang araw-araw sa pagtitipon sa iglesia kasama ang aking mga kapatid, nagsasalita nang tatlo o limang araw sa isang pagkakataon. Paano nila ako pinalitan nang ganoon lang?” Hindi sila sumusunod at nagkikimkim sila ng mga reklamo. Mayroon ding mga nagpapalaganap ng paggigiit na: “Huwag kang maging lider sa sambahayan ng Diyos. Kung napili ka bilang isang lider, nasa alanganin ka, at kapag napalitan ka na, hindi ka na man lang magkakaroon ng pagkakataong maging isang ordinaryong mananampalataya.” Ano ang mga salitang ito? Ang mga ito ang pinakawalang kwenta at pinakakakatwang mga salita, at masasabi rin na ang mga ito ay mga salita ng hindi pagsunod, kawalang-kasiyahan, at kalapastanganan laban sa Diyos. Hindi ba’t iyon ang kahulugan ng mga salitang iyon? (Oo, iyon nga.) Ano ang nakapaloob sa mga salitang iyon?’ Isang pag-atake—ang mga salitang iyon ay hindi isang ordinaryong panghuhusga! Hindi sinasabi ng mga taong ito na pinalitan sila dahil sa pag-aamok nila sa paggawa ng kasamaan at pagkabigong gumawa ng anumang aktuwal na gawain, subalit nagrereklamo na hindi patas sa kanila ang Diyos, na hindi Niya isinasaalang-alang ang pagpapahalaga nila sa kanilang sarili sa Kanyang mga pagkilos, at na hindi Niya nauunawaan kung ano ang nararamdaman nila at ang kanilang emosyonal na pamumuhunan. Ang mentalidad nila ay tulad sa isang hindi mananampalataya, sila ay ganap na walang mga katotohanang realidad!

Gaano katagal kayo karaniwang nagdarasal sa mga pagtitipon? Kumakain ba ito nang masyadong maraming oras ng lahat? Kailanman ba ay kinaiinisan ng mga tao ang inyong mga panalangin? May ilang tao na gumugugol nang maraming oras sa pagdarasal, at nagsasawa ang lahat sa pakikinig sa kanila, subalit iniisip pa rin ng mga taong ito na sila ang pinaka-espirituwal, at naniniwalang ito ang nakamit at natupad nila sa kanilang maraming taon ng pananalig sa Diyos. Hindi sila napapagod kahit pagkatapos magdasal nang ilang oras, kung kailan inuulit lang nila ang pareho-parehong luma at walang katuturang bagay, nagsasalita tungkol sa lahat ng mga salita at doktrinang iyon, at mga islogan na alam nila, o mga bagay na narinig nila sa iba, o mga bagay na gawa-gawa nila. Ginagawa nila ito sawa man o hindi ang lahat at gusto man ito ng lahathindi. Ganito ba kayo magdasal? Sabihin mo sa Akin, tama bang magdasal nang maikli, o mahaba? (Walang tama o mali.) Tama iyan. Hindi ka makakapagbigay ng hatol kung alin sa mga ito ang tama o mali, dapat ka lang magdasal sa Diyos nang naaayon sa mga pangangailangan ng iyong puso. Kung minsan ay hindi nangangailangan ng anumang seremonya ang panalangin, habang minsan ay nangangailangan ito; depende ito sa kapaligiran at kung ano ang nangyari. Kung sa tingin mo ay maaaring magtagal ang isang panalangin, magdasal ka sa Diyos nang pribado tungkol sa iyong mga personal na usapin. Huwag dasalin ang lahat ng iyon sa mga pagtitipon at kainin ang oras ng lahat. Tinatawag itong katwiran. Para sa kapakanan ng kanilang pagpapahalaga sa sarili at reputasyon, hindi ito pinapansin ng ilang tao. Iyon ay ang pagiging ignorante at kawalan ng katwiran. May kahihiyan ba ang mga taong walang katwiran? Ni hindi nila alam na tutol ang lahat na panoorin silang magdasal. Kaya ba ng mga taong wala ngang kahit katiting na pang-unawa o kamalayan na maarok ang katotohanan? Hindi nila kaya. Ang mga katotohanang prinsipyo na hinihingi ng Diyos na isagawa ng tao ay nasa Kanyang mga salita lahat, at lahat ng salitang ibinabahagi ng Diyos tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan ay naglalaman ng at mga prinsipyo, kailangan lang na pag-isipang mabuti ng mga tao ang mga ito. Napakaraming prinsipyo sa mga salita ng Diyos tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan; may mga prinsipyo at landas para sa kung paano magsasagawa ng lahat ng uri ng usapin, sitwasyon, at konteksto, ang pangunahing bagay ay kung mayroon o wala kang espirituwal na pang-unawa, at nagtataglay ng kakayahang makaarok. Kung ang isang tao ay may ganitong kakayahang makaarok, mauunawaan niya ang katotohanan. Subalit kung wala, ang maaarok lang niya ay ang mga regulasyon, gaano man kadetalye ang mga salita ng Diyos, at hindi ito pagkaunawa sa katotohanan. Ang Diyos, samakatuwid, ay nagbibigay sa iyo ng isang prinsipyo para maiangkop mo ito sa iba’t ibang pangyayari. Sa pamamagitan ng pakikinig sa Kanyang mga salita at pagkakakilala sa Kanya, sa pamamagitan ng iba’t ibang karanasan at sa pamamagitan ng pagbabahaginan, gayundin ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, mauunawaan mo ang isang aspekto ng mga prinsipyo kung saan Siya nagsasalita, at ang Kanyang mga hinihinging pamantayan sa isang usapin. Pagkatapos ay mauunawaan mo na ang aspektong iyon ng katotohanan. Kung kinailangan pang ipaliwanag ng Diyos ang lahat nang detalyado, at sabihin sa mga tao kung paano kumilos sa usaping ito o sa usaping iyon, mawawalan ng silbi ang mga prinsipyong binabanggit Niya. Kung ginamit ng Diyos ang pamamaraang ito, at sinabi sa sangkatauhan ang mga regulasyon para sa bawat isang bagay, ano sa huli ang mapapala ng mga tao? Ilang pagsasagawa at pag-uugali lang. Hindi nila kailanman mauunawaan ang kalooban ng Diyos o ang Kanyang mga salita. Kung hindi mauunawaan ng mga tao ang mga salita ng Diyos, hindi nila kailanman magagawang maunawaan ang katotohanan. Hindi ba’t ganito ito? (Oo, ganito nga.) Kaya ba ninyong maunawaan ang katotohanan? Hindi ito kaya ng karamihan, at ang iilan lang na may espirituwal na pang-unawa at pagmamahal sa katotohanan ang talagang makakapagsakatuparan nito. Kaya, ano ang mga paunang kondisyon para sa mga may kakayahang magsakatuparan nito? Maisasakatuparan nila ito kung mayroon silang espirituwal na pang-unawa, may kakayahang makaarok, taos-pusong hinahangad, at minamahal ang katotohanan at mga positibong bagay. Pagdating sa mga natitirang hindi kayang magsakatuparan nito, sa isang banda, ito ay dahil sa mga problema sa kanilang kakayahan o pag-arok, at sa isa pa, isa itong isyu sa oras. Para itong mga taong nasa edad 20—kung hihingin mo sa kanilang isakatuparan kung ano ang kaya at dapat isakatuparan ng isang taong nasa edad 50, hindi ba’t pamimilit ito sa kanilang gumawa ng isang bagay na lampas sa kanilang mga kakayahan? (Oo, ganoon nga.) Ngayon isipin mo, saan nauugnay ang kakayahan ng isang taong maarok ang katotohanan? (Sa kanilang kakayahan.) Nauugnay ito sa kanilang kakayahan. Ano pa? (Kung hinahangad nila o hindi ang katotohanan.) May tiyak na kaugnayan ito sa kanilang hangarin. May ilang taong talagang sapat pagdating sa kanilang pagkaunawa, bilis ng pag-iisip, at IQ, at kayang unawain ang katotohanan, subalit hindi nila minamahal o hinahangad ang katotohanan. Wala silang anumang nararamdaman sa katotohanan sa kanilang puso, at wala silang ginagawang anumang pagsisikap sa bagay na ito. Para sa mga taong tulad nito, ang katotohanan ay palaging magiging isang bagay na malabo at hindi nakikilala, at gaano man karaming taon silang nananalig sa Diyos, magiging wala itong silbi.

Buweno, natapos ko nang sabihin ang Aking mga kuwento. Makakatulong ba ang balangkas at nilalaman ng mga kuwentong ito para maunawaan ninyo ang ilang katotohanan? (Oo.) Bakit ko sinasabi ang mga kuwentong ito? Kakailanganin bang ikuwento ang mga ito kung walang kinalaman ang mga ito sa mga kalagayan ng pamumuhay ng mga tao, sa mga disposisyong ibinubunyag nila, at sa kanilang mga iniisip sa totoong buhay? (Hindi.) Hindi ito kakailanganin. Ang mga bagay na pinag-usapan natin ay lahat mga karaniwang penomena at kalagayang madalas na ibinubunyag ng mga tao sa kanilang buhay, at nauugnay ang mga ito sa mga disposisyon, pananaw, at kaisipan ng tao. Kung, pagkatapos makinig sa mga kuwentong ito, iniisip ninyong mga kuwento lang ang mga ito, na medyo nakakatawa at medyo kawili-wili ang mga ito pero hanggang ganoon lang, at hindi ninyo nauunawaan ang mga katotohanan sa mga ito, magiging walang silbi ang mga ito sa inyo. Dapat ninyong maunawaan ang ilang katotohanan mula sa mga kuwentong ito—magkakaroon ito kahit papaano ng isang epektong nagtutuwid sa inyong pag-uugali, partikular sa inyong mga pananaw sa ilang mga bagay, at magbibigay sa inyo ng kakayahang talikuran ang inyong mga baluktot na kaparaanan ng pang-unawa, at magtataglay ng dalisay na pang-unawa ng mga ganitong uri ng mga bagay. Hindi lang ito para baguhin ang inyong pag-uugali, kundi para lutasin, mula sa ugat, ang mga kalagayang ito na nilikha ng mga tiwaling disposisyon. Nauunawaan ba ninyo? Ngayon, magbahaginan tayo tungkol sa pangunahing paksa.

Isang Pagsusuri Kung Paano Nagagawa ng mga Anticristo na sa Kanila Lamang Sumunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos

IV. Isang Pagsusuri tungkol sa Pagpapanggap ng mga Anticristo Bilang Pagsasakatawan ng Katotohanan Kapag Nagtamo na Sila ng Kaunting Karanasan at Kaalaman

Noong nakaraan, nagbahaginan tayo sa ikawalong aytem ng mga pagpapamalas ng mga anticristo—sa kanila lamang nila pinasusunod ang iba, hindi sa katotohanan o sa Diyos. Sa kabuuan ay nahahati ang ikawalong aytem sa apat na sekundaryong paksa. Natapos na nating pagbahaginan ang unang tatlong sekundaryong paksa, kaya ano ang pang-apat? (Ang mga anticristo ay nagpapanggap bilang pagsasakatawan ng katotohanan kapag nakakuha na sila ng ilang karanasan, kaalaman, at aral.) Ito ang ikaapat na sekundaryong paksa ng ikawalong aytem. Siyempre, kinapapalooban din ito ng isang aspekto ng mga pagpapamalas ng paksa ng ikawalong aytem—magkakaugnay ang mga ito. Ano ang paksang ito? Na sa kanila lamang nila pinasusunod ang iba, hindi sa katotohanan o sa Diyos. Hatiin natin ang sekundaryong paksa na ito at pag-usapan ito nang paunti-unti. Ano, ayon sa pagkakabanggit, ang karanasan, kaalaman, at mga aral? Anong uri ng mga tao ang nagtataglay ng mga ito? Anong uri ng mga tao ang gustong sangkapan ang sarili nila ng mga ito? Anong uri ng mga tao ang nagbibigay-diin sa pagsasangkapan ng mga bagay na ito sa sarili nila sa halip na ng katotohanan? Anong uri ng mga tao ang nagtuturing sa mga bagay na ito bilang katotohanan? Una, isang bagay ang tiyak: Anuman ang kakayahan ng mga taong ito, at anuman ang kanilang pang-unawa, mayroon silang malaking pagmamahal sa kaalaman, at nahihigitan ng pagmamahal nila sa kaalaman ang pagmamahal nila sa katotohanang realidad. Ang hinahangad nilang layunin at direksiyon sa pananalig nila sa Diyos ay para magkamit ng tinatawag na karanasan at kaalaman. Gusto nilang gamitin ang kaalaman at karanasang ito para ihanda at ayusin ang sarili nila para maging mas mahusay ang panlasa nila, mas mabuti ang estilo, may mas mataas na kalinangan, at magawang mas pahalagahan sila at sambahin. Dahil sa kaalaman at karanasang ito, iniisip nilang mas mahalaga, mas kasiya-siya, at mas puno ng pagtitiwala sa sarili ang buhay nila. Sa pananaw nila, nananalig sila sa Diyos para sangkapan ang sarili nila ng kaalamang ito, at ng mga kasabihan na nauugnay sa teolohiya at sa iba’t ibang aspekto ng sentido komun, kaalaman, at mga aral. Naniniwala sila na sa pagsasangkapan sa sarili nila ng mga bagay na ito, makaka-okupa sila ng isang lugar sa sambahayan ng Diyos at sa grupong ito ng mga tao. Samakatuwid, ang iniisip, sinasamba, at sinusunod nila sa puso nila araw-araw ay may kaugnayan sa kaalaman, karanasan, at iba pa.

Tingnan muna natin kung anong mga uri ng kaalaman, karanasan, at mga aral ang mayroon, gayundin kung alin sa mga uring ito ang matatawag na pagpapanggap na pagsasakatawan ng katotohanan. Una, masasabi nang may katiyakan na ang mga bagay na ito ay walang kinalaman sa katotohanan, hindi naaayon sa katotohanan, at sumasalungat sa katotohanan. Puwedeng maging tama ang mga bagay na ito alinsunod sa mga kuru-kuro ng mga tao, mga bagay na, alinsunod sa kanilang mga kuru-kuro, ay positibo at maganda at mabuti. Pero sa katunayan, sa paningin ng Diyos, ang mga bagay na ito ay hindi nauugnay sa katotohanan, at ang mga bagay na ito ay pangunahing pinagmumulan pa nga ng pagkondena ng mga tao sa katotohanan, ang ugat at pinagmumulan ng paglaban ng mga tao sa Diyos at ng kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya. Karanasan, kaalaman, at mga aral—may pagkakaiba ba sa edad at kasarian ng mga taong nagkakamit ng mga bagay na ito? (Wala, walang pagkakaiba.) Malamang na wala. May mga kaloob ang ilang tao. Ano ang mga kaloob? Halimbawa, pagkatapos makinig ng ilang tao sa isang teorya o kasabihan at maunawaan ang mga pinakapunto o pangunahing konsepto ng gayong teorya, masyadong mabilis ang nagiging reaksiyon ng isipan nila. Agad nilang nalalaman kung paano ipaliwanag ang gayong teorya o kasabihan at kung paano ito baguhin sa sarili nilang wika na ginagamit nila sa pakikipag-usap sa ibang tao. Pagkatapos makinig sa mga bagay na ito, mabilis nilang naaalala ang mga ito; nagkukulang sila sa pagiging lubos na mapanuri, mayroon lamang silang mahusay na memorya, na isang uri ng espesyal na kaloob. Mayroon bang sinumang nagtataglay ng kaloob na tulad nito? (Oo.) May mga taong tulad nito na, pagkatapos mong magsabi ng isang bagay, kaya agad nilang magamit ang bagay na iyon para maghinuha tungkol sa ibang bagay. Kaya nila, kapag pinakitaan ng impormasyon tungkol sa isang aspekto ng isang paksa, na ilapat ito sa ibang mga bagay. Napakahusay nila sa paggamit ng paksang tinatalakay para isulong ang mga sarili nilang ideya. Napakahusay nila pagdating sa mga lohikal at linguistikong bagay tulad ng mga panlabas na bagay at teorya. Ibig sabihin, mahusay sila sa paglalaro ng mga laro ng salita at paggamit ng mga teorya para maakit at makumbinsi ang iba. May ilang tao na may ganitong uri ng kaloob. Napakahusay nilang magsalita, na may napakaliksing pag-iisip at mga reaksiyon. Sa pagkarinig ng isang aspekto ng katotohanan, gamit ang kanilang kaunting katusuhan at mga kaloob, nauunawaan nila ang aspektong ito ng katotohanan bilang isang uri ng kaalaman at pagkatuto, at pagkatapos ay ginagamit ang ganitong uri ng pagkatuto para magbahaginan sa iba at gawin ang tinatawag na gawain ng pagdidilig at pagpapastol. Ano ang epekto nito sa mga tao? Mayroon bang anumang mabuting resulta? (Wala, walang mabuting resulta.) Bakit ganito? (Hindi ito praktikal, at walang landas ang mga tao para magsagawa kapag naririnig nila ito.) Matapos pakinggan ang sinabi ng mga taong ito, iniisip ng iba na tama ang lahat ng sinabi nila, na walang maling salita at walang salitang sumasalungat sa mga prinsipyo—lahat ito ay tama. Pero, kapag isinasagawa ang mga ito, pakiramdam nila ay hungkag ang mga salitang ito, na walang layunin o direksiyon kapag nagsasagawa, at na ang mga salitang ito ay hindi maaaring gamitin bilang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kaya, ano ang mga salitang ito? (Mga doktrina.) Ang mga ito ay isang uri ng doktrina, isang uri ng kaalaman. Ang gayong mga pagpapamalas ng mga anticristo ay napakaliwanag at kitang-kita. Itinuturing nila ang katotohanan bilang kaalaman, bilang isang bagay na akademiko, bilang teorya. Habang hindi lubos na nauunawaan ang mga bagay, palagi nilang hinihingi na gawin ito o iyon ng iba. Kapag hindi nauunawaan ng iba at hinihingi sa kanila na magpaliwanag nang detalyado, hindi makapagpaliwanag nang malinaw ang mga anticristo at sa halip ay tumutugon sa isang pagpapabulaan: “Hindi mo minamahal ang katotohanan. Kung mahal mo ang katotohanan, mauunawaan mo ang sinasabi ko at magkakaroon ka ng landas para magsagawa.” Pagkarinig nito, iniisip ng ilang naguguluhan at nagkukulang sa pagkilatis na, “Tama iyan. Kung talagang mahal ko ang katotohanan, mauunawaan ko ang kanilang mga salita.” Iniisip ng mga taong walang pagkilatis na tama ang sinasabi ng taong ito—na hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Inilalagay nila ang responsabilidad sa sarili nila at sa ganoon ay naililihis ng mga anticristo na mawala sa tamang landas.

Pag-usapan natin ngayon ang tungkol sa karanasan. Ang karanasan ay isang pamamaraan na nabuod sa loob ng mahabang panahon ng pagdaan sa mga bagay-bagay. May karanasan ba ang mga taong nagtrabaho nang dalawang araw? (Wala silang karanasan.) Kung ganoon ay tiyak na may karanasan ang mga nagtrabaho nang 10 o 20 taon. Pakiramdam ng ilang tao na may karanasan sila mula sa pagtatrabaho sa loob ng maraming taon, na pagdating sa kung ano ang dapat nilang gawin kapag may mga bagay na dumating sa kanila, kung paano haharapin ang ilang uri ng tao, at kung anong mga uri ng doktrina ang dapat nilang sabihin sa kung aling mga uri ng tao, alam nila itong lahat. Bilang resulta, kapag isang araw ay may nangyaring bagong bagay na hindi nila alam, binubuklat nila ang mga tala ng kanilang nakalipas na 20 taon ng pagtatrabaho, pinag-iisipan ang mga ito, at pagkatapos ay walang patumanggang inilalapat ang mga nakaraang kasabihan at pagsasagawang ito. Kapag kumikilos sila nang ganito, iniisip pa rin niyong mga hindi nakauunawa sa katotohanan na ang ginagawa nila ay naaayon sa katotohanan, habang ang mga nakakaunawa sa katotohanan ay tumitingin at nagsasabi, “Ang taong ito ay pikit-matang kumikilos. Wala siyang mga prinsipyo sa kanyang gawain; lubos siyang umaasa sa karanasan at hindi nauunawaan ang layunin ng Diyos, ni hindi niya nauunawaan kung paano kumilos sa paraang pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at umaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa kung paano tratuhin ang mga tao. Pikit-mata niyang inilalapat ang mga regulasyon.” May problema rito. Kung ang karaniwang tao ay nagtrabaho lamang sa maikling panahon, maaaring wala silang puhunan para sabihing, “Mayroon akong karanasan; Hindi ako natatakot. Nagtrabaho ako ng napakaraming taon. Anong uri ng tao ang hindi ko nakita, at ano ang mga bagay na hindi ko naharap?” Pero nangangahas ang mga taong ito na sabihin ito. Kahit pa naharap mo na ang maraming bagay at higit sa ilang iba’t ibang uri ng tao, magagarantiyahan mo bang kumikilos ka alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo sa pagharap sa bawat usapin at kapag hinaharap ang bawat tao? Sa aktuwalidad, hindi ito isang bagay na mangangahas kang garantiyahan. Pero para sa mga nagtuturing sa karanasan at nakagawian bilang katotohanan, kung may tumututol sa kanila, sasabihin nila: “Napakaraming taon na akong nagtatrabaho. Mas marami na akong natawid na tulay kaysa sa mga natahak mong landas, pero nangangahas ka pa ring sumalungat sa akin? “Bakit hindi ka na lang umuwi at magdasal!” Sa harap nila, walang nangangahas na magsabi ng salitang “hindi,” magbigay ng iba’t ibang opinyon, o magpahayag ng salita ng hindi pagsang-ayon. Anong pag-uugali ito? Ito ay pagturing sa karanasan bilang ang katotohanan at paniniwala sa sarili bilang pagsasakatawan ng katotohanan. Sinasabi ng ilan na: “Hindi ko itinuturing ang aking sarili bilang pagsasakatawan ng katotohanan—sino ang mangangahas na magtaglay ng gayong titulo? Ang Diyos lamang ang katotohanan. Hindi ako kailanman kumilos nang ganyan, ni hindi ako kailanman nag-isip nang gayon.” Sa subhetibong pananaw, hindi ka nag-iisip sa ganoong paraan, ni hindi mo binabalak na kumilos nang ganoon. Pero sa obhetibong pananaw, ang iyong mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, ang iyong pag-uugali, at ang diwa ng iyong mga pagkilos sa huli ay nagpapakilala sa iyo bilang isa na nagtuturing sa sarili niya bilang pagsasakatawan ng katotohanan. Bakit pinasusunod mo nang eksakto sa iyong mga mungkahi ang mga tao? Kung hindi mo itinuturing ang iyong sarili bilang Diyos at isa ka lamang ordinaryong tao, kuwalipikado ka bang pasunurin ang iba sa iyo? (Hindi, hindi ako kuwalipikado.) May isang pangyayari kung saan puwede kang sundin ng mga tao, na ito ay kung nauunawaan mo ang katotohanan—kung isang tao kang nakauunawa sa katotohanan. Pero muli, kahit isang tao ka pang nakauunawa sa katotohanan, isa ka pa ring ordinaryong tao lang, at puwede bang maging pagsasakatawan ng katotohanan ang isang ordinaryong tao? (Hindi, hindi puwede.) Kung kayang maunawaan ng isang tao ang lahat ng mga salita na sinabi ng Diyos at lahat ng katotohanan na hinihingi ng Diyos na maunawaan ng tao, puwede bang maging pagsasakatawan ng katotohanan ang taong iyon? (Hindi, hindi puwede.) Sinasabi ng ilan: “Puwedeng dahil iyon sa hindi sila naperpekto. Si Pedro ay isang naperpektong tao. Matatawag bang pagsasakatawan ng katotohanan si Pedro?” Ang pagkakaperpekto ay hindi nangangahalugang nagiging pagsasakatawan ng katotohananang isang tao, at alam mo ba kung bakit? (May pagkakaiba sa diwa.) May pagkakaiba sa diwa; ito ay isang aspekto nito. Kung puwede mang maging pagsasakatawan ng katotohanan ang tao—ito ay isang bagay na dapat nating talakayin. Bakit sinasabi na hindi puwedeng maging pagsasakatawan ng katotohanan ang tao? Ang pagsasakatawan ba ng katotohanan ay simpleng usapin lang ng diwa? Sinasabi ng ilang tao na: “Ang tao ay isinilang bilang isang nilalang, at ang Isa sa langit ay likas na ang Lumikha. Hindi natin kailangang pagtalunan ang bagay na ito—ang Diyos ay palaging magiging pagsasakatawan ng katotohanan. Kung ganoon ito ba ay dahil sa nauunawaan ni Cristo ang katotohanan at tinataglay ang katotohanan na Siya ang pagsasakatawan ng katotohanan? Kung natamo na natin ang lahat ng katotohanan mula sa Diyos, matatawag din ba tayong pagsasakatawan ng katotohanan?” Sinasabi ng iba: “Hindi puwede. Akala ko noon na kapag mas naunawaan ng mga tao ang mga katotohanan ay puwede silang maging isang cristo at maging isang diyos. Alam ko na ngayon na hindi mapapalitan at hindi mababago ang diwang ito.” Umabot na sa puntong ito ang kanilang pagkaunawa. Kaya, may kakayahan ka bang higit pang maunawaan ang bagay na ito? Dapat mong maunawaan ang bagay na ito sa sandaling matapos akong makipagbahaginan sa inyo. Kapag pinag-uusapan natin ang pagsasakatawan ng katotohanan, ano nga ba itong “pagsasakatawan”? Medyo abstrakto ang terminong ito, kaya ilagay natin ito sa pinakasimpleng termino. Ang Diyos Mismo ang katotohanan, at tinataglay Niya ang lahat ng mga katotohanan. Ang Diyos ang pinagmumulan ng katotohanan. Bawat positibong bagay at bawat katotohanan ay nagmumula sa Diyos. Maaari Siyang humatol sa kawastuhan at kamalian ng lahat ng bagay at lahat ng kaganapan; maaari Siyang humatol sa mga bagay na nangyari, mga bagay na nangyayari ngayon, at mga bagay sa hinaharap na hindi pa alam ng tao. Ang Diyos ang tanging Hukom na maaaring humatol sa kawastuhan at kamalian ng lahat ng bagay, at ang ibig sabihin niyan ay Diyos lamang ang maaaring humatol sa kawastuhan at kamalian ng lahat ng bagay. Alam Niya ang pamantayan para sa lahat ng bagay. Kaya Niyang ipahayag ang mga katotohanan sa anumang oras at lugar. Ang Diyos ang pagsasakatawan ng katotohanan, na nangangahulugang Siya Mismo ay nagtataglay ng diwa ng katotohanan. Kahit pa nauunawaan ng tao ang maraming katotohanan at ginagawa siyang perpekto ng Diyos, magkakaroon ba siya kung gayon ng kinalaman sa pagsasakatawan ng katotohanan? Hindi. Tiyak ito. Kapag ginagawang perpekto ang tao, kaugnay ng kasalukuyang gawain ng Diyos at ng iba’t ibang pamantayang hinihingi ng Diyos sa tao, magkakaroon siya ng tumpak na paghuhusga at mga pamamaraan ng pagsasagawa, at ganap niyang mauunawaan ang layunin ng Diyos. Matutukoy niya ang pagkakaiba sa pagitan ng kung ano ang galing sa Diyos at kung ano ang galing sa tao, at ng kung ano ang tama at ano ang mali. Subalit may ilang bagay na nananatiling hindi maabot at hindi malinaw sa tao, mga bagay na malalaman lamang niya matapos sabihin ng Diyos sa kanya. Maaari bang malaman o mahulaan ng tao ang mga bagay na hindi pa nalalaman, mga bagay na hindi pa nasasabi ng Diyos sa kanya? Talagang hindi. Bukod pa riyan, kahit natamo ng tao ang katotohanan mula sa Diyos, at nagtaglay ng katotohanang realidad, at nalaman ang diwa ng maraming katotohanan, at nagkaroon ng kakayahang matukoy ang tama sa mali, magkakaroon ba siya ng kakayahang kontrolin at pamahalaan ang lahat ng bagay? Hindi siya magkakaroon ng ganitong kakayahan. Iyan ang kaibahan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Matatamo lamang ng mga nilikha ang katotohanan mula sa pinagmumulan ng katotohanan. Matatamo ba nila ang katotohanan mula sa tao? Ang tao ba ang katotohanan? Makapagbibigay ba ang tao ng katotohanan? Hindi niya kaya, at naroon ang kaibahan. Maaari ka lamang tumanggap ng katotohanan, hindi magbigay nito. Matatawag ka bang isang taong nagtataglay ng katotohanan? Matatawag ka bang pagsasakatawan ng katotohanan? Talagang hindi! Ano ba talaga ang diwa ng pagsasakatawan ng katotohanan? Ito ang pinagmumulan na nagtutustos ng katotohanan, ang pinagmumulan ng pamamahala at pamumuno sa lahat ng bagay, at ito rin ang tanging kriteryo at pamantayan kung saan hinahatulan ang lahat ng bagay at pangyayari. Ito ang pagsasakatawan ng katotohanan. Madalas tinatanggihang tanggapin ng mga anticristo ang puntong ito. Naniniwala sila na ang kaalaman ay lakas, na ang karanasan ay isang sandata na naisasangkapan ng mga tao sa kanilang sarili para maging makapangyarihan, at na kapag may karanasan, kaalaman, at mga aral ang mga tao, makokontrol nila ang lahat. Makokontrol nila ang mga kapalaran ng mga tao, makokontrol at maiimpluwensiyahan ang mga kaisipan ng mga tao, at maiimpluwensiyahan maging ang pag-uugali ng mga tao. O, iisipin ng ilang tao na ang mga bagay na ito ay makapagtuturo sa mga tao, makapagpapabago ng isipan ng mga tao, at makapagpapabago sa mga disposisyon ng mga tao. Anong uri ng mga kaisipan ang mga ito? (Ang mga kaisipan ng mga anticristo.) Ito ang mga kaisipan ng mga anticristo. Bakit hawak ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan? Ang Diyos ang realidad ng lahat ng positibong bagay, at ang Kanyang mga salita ay ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Ano ang diwa ng Diyos? Ang diwa Niya ay ang katotohanan, at iyon ang dahilan kung bakit nagagawa Niya na panghawakan ang kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan. Hindi nakikita o nakikilala ng mga anticristo ang puntong ito, lalo pa ang tanggapin ito. Itinuturing nilang katotohanan ang mga bagay na nagmumula sa mga tao, mula sa kaalaman, at mula sa lipunan at na pinahahalagahan ng masamang sangkatauhan, at sinusubukan nilang gamitin ang mga bagay na ito para ilihis ang mga tao, kontrolin ang mga tao, at magtamo ng lugar sa iglesia at sa mga hinirang na tao ng Diyos. Ano ang layunin ng panlilihis nila sa mga tao? Ano ang layunin nila sa pag-aaral at pagsasangkapan ng mga bagay na ito sa sarili nila? Ito ay para pasunurin ang mga tao sa kanila at gawing makinig sa mga salita nila. Ano ang layunin nila sa pag-uudyok sa mga tao na makinig sa mga salita nila? (Para kontrolin sila.) Tama iyan, ang layunin nila ay kontrolin sila. Ibig sabihin nito na kapag binibigkas nila ang ilang salita, ang mga tao ay susunod at mamamanipula nila, magiging mga kasangkapan nila at mga alipin nila. Dahil tinatanggap ng mga tao ang mga pananaw nila at tinatanggap ang tinatawag nilang karanasan, kaalaman, at mga aral, sinasamba sila ng mga taong ito. Ang pagsamba ba sa kanila ay hindi nangangahulugan ng pakikinig sa kanila? (Oo, ganoon nga.) Ang pakikinig ba sa kanila ay hindi nangangahulugan na madaling manipulahin ang mga taong ito? Hindi ba’t nagtagumpay ang mga anticristo? (Oo, nagtagumpay sila.) Sa oras na may isang taong nakikinig sa kanila, hindi ba’t nangangahulugan ito na nakuha na siya mula sa Diyos? (Oo, ganoon nga.) Nagpapasaya ito sa mga anticristo; ito ang kanilang layunin. Sa totoo lang, sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi naman talaga sila naniniwala nang walang pag-aalinlangan na sila ang pagsasakatawan ng katotohanan at na sila ang katotohanan, pero ganoon sila mag-isip at ganoon sila kumilos. Bakit ganito sila mag-isip at kumilos? Naniniwala sila na ang kanilang kaalaman, karanasan, at lahat ng nagmula sa kanilang mga kaloob ay tama, at gusto nilang gamitin ang mga bagay na ito para kontrolin ang mga tao at mahigpit na hawakan ang mga tao sa kanilang mga kamay. Ang ilan sa kanilang kaalaman, karanasan, at mga aral ay halatang mga malademonyong salita na naglalayong linlangin ang mga tao. Ang ilan, kahit na hindi halata, ay may mga pakana, tusong balak, at pagsasabwatan na nakatago sa loob, at ang mga hindi nakapapansin sa mga ito ay maliligaw. Ano ang mga kahihinatnan ng pagkaligaw? Lumalayo ang mga tao sa Diyos at hindi na nauunawaan ang katotohanan, itinuturing ang kaalaman, karanasan, at mga aral ng tao bilang katotohanan at isinasantabi ang mga salita ng Diyos. Nagiging masyadong malabo ang mga tao tungkol sa mga salita ng Diyos, pero labis silang nagmamalasakit at nagpapahalaga sa kaalaman at karanasang ito, nagsisikap pa nga sa pagsasagawa at pagpapatupad ng mga ito. Ito ang layunin ng mga pagkilos ng mga anticristo. Kung wala silang gayong ambisyon na manipulahin ang mga tao, kontrolin ang mga tao, at gawin silang masunurin, sasangkapan ba nila ang kanilang sarili ng mga bagay na ito? Hindi sila magsisikap nang kahit kaunti para rito. Mayroon silang layunin; napakalinaw ng kanilang pagpapahalaga sa layunin. Ano ang malinaw na layunin na ito? (Para kontrolin ang mga tao.) Ito ay para kontrolin ang mga tao. Kinokontrol man nila ang isang buong grupo ng mga tao o isang bahagi lamang nila, magagawa ba nilang makontrol ang sinuman nang walang batayang teoretikal? Dapat muna silang makahanap ng isang hanay ng mga kaisipan at teorya na pinaka-naaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao at pinaka-angkop sa panlasa ng mga tao, at gamitin ang lahat ng posibleng paraan para maipalaganap ang mga ito sa mga tao. Nangangahulugan ito ng pagbe-brainwash sa mga tao, paggawa ng sikolohikal na gawain sa kanila, patuloy na pag-iindoktrina sa kanila, at patuloy na pag-uudyok sa mga tao na pakinggan, gawing pamilyar ang mga sarili nila sa, at tanggapin ang mga kaisipan at pananaw na ito. Sa katunayan, ang mga tao ay pasibong naiindoktrinahan at pasibong nabe-brainwash, at tinatanggap nila nang hindi namamalayan ang mga pananaw na ito. Dahil walang panloob na abilidad ang mga tao na makilala ang tama sa mali, bago maunawaan ang katotohanan, wala silang kakayahang labanan ang mga bagay na ito—wala silang pangontra para dito. Kapag tinanggap ng mga tao ang mga nakalilinlang na pananaw na ito, mabilis silang nabibihag ng mga ito. Ano ang ibig sabihin ng “nabihag”? Ibig sabihin nito na pagkatapos tanggapin ang mga pananaw na ito, nagiging mas determinado ang mga tao sa paniniwalang ang mga bagay na ito ay tama at patuloy na ginagamit ang mga pananaw na ito para kumbinsihin ang kanilang sarili at ang iba. Sila ay nailigaw at nakontrol, at ganito nakakamit ni Satanas ang layunin nito kapag nililihis ang mga tao.

Ang ilang natuto ng ilang espesyal na propesyonal na kasanayan sa mundo, o ang mga may partikular na katayuan sa lipunan, ay may parehong kaisipan pagkatapos pumunta sa sambahayan ng Diyos, na nagbubunga ng isang parehong pagpapamalas sa kanila. Ano ang kaisipang ito? Itinuturing nila ang sarili nila bilang ang mga elite sa lipunan. Ano ang mga elite? Sila ay mga taong nangingibabaw sa mga grupo. Nakatanggap sila ng kaunting espesyal na mas mataas na edukasyon, at ang kanilang mga talento, kakayahan, at mga kaloob ay nasa mas mataas na antas kaysa sa iba. Ano ang ibig sabihin ng nasa mas mataas na antas kaysa sa iba? Ibig sabihin nito na sa isang grupo ng mga tao, mayroon silang namumukod-tanging pag-iisip, katalinuhan, at mahusay na pananalita, at mayroon silang espesyal na abilidad na maunawaan ang ilang bagay at kasanayan. Ito ay tinatawag na nasa mas mataas na antas kaysa sa iba, at ang mga taong ito ay kilala bilang mga elite sa lipunan. Ang bawat bansa ay naglilinang ng ganitong uri ng tao. Ano ang layunin ng kanilang paglilinang? Para mas mabilis na mapaunlad ang bansa. Kapag iniuukol ng mga ganitong tao ang kanilang sarili sa iba’t ibang posisyon, bumibilis ang pag-unlad sa lahat ng uri ng pamumuhay. Mataas ba o mababa ang katayuan ng mga ganitong tao sa lipunan? (Mataas.) Tiyak na wala silang ordinaryong katayuan. Mayroon silang ilang espesyal na talento, natutunan ang ilang espesyal na kaalaman, at nakatanggap ng ilang espesyal na edukasyon. Ang kanilang kakayahan, talento, at natutunang kaalaman ay mas mataas kaysa sa mga ordinaryong tao. Kung ang mga taong ito ay pumupunta sa iglesia, ano ang kanilang mentalidad? Ano ang una nilang kaisipan? Una, iniisip nila na: “Kahit ang payat na kamelyo ay mas malaki sa kabayo. Kahit na pagkatapos manalig sa Diyos, hindi ko hinahangad ang mundo o tinatangkilik ang katanyagan doon, dahil sa espesyal na edukasyon na aking natanggap, pati na rin ang kaalaman na aking natutunan at ang mga talento na mayroon ako, dapat akong maging lider sa inyo. Sa sambahayan ng Diyos, dapat akong maging sandigan at haligi. Ako dapat ang namumuno at gumagabay.” Hindi ba’t ganito sila mag-isip? Ano ang batayan ng pag-iisip na ito? Kung sila ay isang hamak na magsasaka, mangangahas ba silang mag-isip nang ganito? (Hindi sila mangangahas.) Bakit hindi? (Wala silang puhunan.) Wala silang puhunan para mag-isip nang ganito. Kaya, anong uri ng mga tao ang makapag-iisip nang ganito? Lahat sila ay mga taong may partikular na kaalaman, talento, kaloob, at tinatawag na kakayahan. Pagdating nila sa sambahayan ng Diyos, iniisip nilang: “Hindi ko na hinahangad ang mundo. Masyadong masama ang mundo, kaya pupunta ako sa sambahayan ng Diyos at sa halip ay doon ako maghahangad. Sa sambahayan ng Diyos, kahit papaano ay makakamit ko ang posisyon ng isang lider o isang manggagawa.” Nagkikimkim ba sila ng mga mabuting layunin? (Hindi.) Bakit hindi sila nagkikimkim ng mga mabuting layunin? Ang mga bagay na natutunan na nila at ang katayuan nila sa lipunan ay lubhang nakakapinsala sa kanila. Kung hindi nila hahangarin ang katotohanan, hindi sila kailanman bababa mula sa ganoong posisyon sa kanilang buhay. Palagi nilang mararamdaman na sila ay nasa itaas sa mga ulap, pero sa katunayan, sa pananaw ng Diyos, hindi sila naiiba sa anumang ordinaryong nilalang. Palagi nilang ilalagay ang sarili nila sa itaas sa mga ulap. Hindi ba’t mapanganib ito? Kung bumagsak sila, babagsak sila nang matindi, at maaaring manganib ang kanilang buhay! Bakit pakiramdam ng gayong mga tao na dapat silang magkaroon ng mataas na katayuan, dapat sambahin, dapat may maraming tao na umaaligid sa kanila, dapat konsultahin sa lahat ng bagay at pakinggan ang kanilang mga opinyon, at dapat isipin at unahin sa lahat ng bagay? Bakit iniisip nila ang napakaraming “dapat”? Dahil masyado nilang pinahahalagahan ang kanilang katayuan sa lipunan, kaalaman, at ang mga espesyal na bagay na kanilang natutunan. Iniisip nilang, “Gaano man karami o gaano kataas ang katotohanang sinasabi, mahalaga pa rin ang mga bagay kong ito; mas mahalaga ang mga ito kaysa sa katotohanan at hindi mapapalitan ng katotohanan. Sa lipunan, ako ang amo ng isang kumpanya. Pinangangasiwaan ko ang libu-libong tao. Sa kumpas ng aking mga kamay, ang lahat ay dapat makinig sa akin. May gayon akong malaking kapangyarihan—kaya isipin mo na lang kung anong posisyon at katayuan ang pinanghahawakan ko! Sa maliliit na taong ito sa sambahayan ng Diyos, ilan ang mas mataas kaysa sa akin? Kapag tumitingin ako sa paligid, wala akong nakikitang mga espesyal na tao. Kung pangangasiwaan ko sila, hindi ito magiging problema; hindi ito magiging malaking bagay!” Ipagpalagay na sasabihin mo sa kanilang: “Sige. Mabuti na mayroon ka ng ambisyong ito. Tutuparin ko ang iyong pagnanais, irerekomenda kita bilang lider ng iglesia. Dalhin mo ang mga taong ito sa harap ng Diyos para malaman nila kung paano basahin ang mga salita ng Diyos at isagawa ang katotohanan, at itaguyod mo ang mahihina, ang negatibo, at iyong mga hindi gumaganap ng kanilang tungkulin.” Sasabihin nilang: “Madali lang iyan. Noong nasa negosyo ako, ginawa ko ang lahat ng gawaing sikolohikal na iyon. Magaling ako sa bagay na ito.” Ano ang mangyayari pagkatapos mailagay ang mahigit tatlumpung tao sa isang iglesia sa kanilang mga kamay? Wala pang dalawang buwan, ang mahihina ay nagiging mas mahina, ang mga negatibo ay nagiging mas negatibo, at ang mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ay hindi makakuha ng mga tao. Ang mga hindi marunong magbasa ng salita ng Diyos ay inaantok sa sandaling oras na para sa isang pagtitipon at hindi na gusto pang makinig sa mga sermon mula sa Itaas. Kapag tinanong na: “Hindi ba’t medyo may kakayahan kayo?” sinasabi nilang: “Oo, amo ako noon. Halatang-halata ang kakayahan ko!” Anumang uri ng amo ka sa mundo, walang kuwenta ito. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, ikaw ay isang karaniwang tao sa paggawa ng gawaing iglesia. Kung papayagan ang mga taong ito na mamahala sa gawain ng ebanghelyo, makikibahagi lamang sila sa walang silbi at mababaw na mga pormalidad, hindi sila makakakuha ng anumang resulta, at ang isang iglesia na may dose-dosenang tao ay hindi madidiligan nang mabuti. Anong nangyayari rito? Ang gayong maaalam na tao ay dating mga amo at ehekutibo ng kumpanya sa lipunan, kaya bakit hindi nila maipakita ang kanilang mga kakayahan kapag pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos? (Hindi sila pinangangalagaan ng Banal na Espiritu.) Na hindi sila pinangangalagaan ng Banal na Espiritu ay isang aspekto, pero ano ang pangunahing dahilan? Hindi nila nauunawaan ang katotohanan, kaya pagdating sa mga katayuan ng mga tao, tiwaling disposisyon ng mga tao, mga hinihingi ng Diyos para sa tao, mga salita ng Diyos na naglalantad sa tao, at sa paraan ng pagsasalita ng Diyos, wala silang espirituwal na pang-unawa at hindi nila nauunawaan kung ano ang nangyayari sa mga bagay na ito, at kumikilos lamang sila ng pikit-mata at sa mababaw na paraan. Iniisip nila na ang gawain sa iglesia ay tulad ng pagpapatakbo ng negosyo sa mundo, at na hangga’t nagdudulot sila ng inspirasyon sa isipan ng mga tao, at pinupukaw ang kanilang sigasig, nakagawa sila ng isang mahusay na trabaho. Iniisip nila, sa isang banda, na dapat silang gumawa ng sikolohikal na gawain, at sa isa pa, na gamitin nang maayos ang kanilang mga itinatag na paraan ng pakikitungo sa mga bagay sa mundo, sinusubukang suhulan ang nasa itaas nila at bilhin ang mga nasa ibaba nila. Naniniwala sila na hangga’t tinitiyak mo na makakakuha ng pera ang mga tao, makikinig at susunod sila sa iyo—sa tingin nila ay ganoon lang iyon kasimple. Hindi nasasangkot ang katotohanan sa mga panlabas na bagay. Sa pananalig sa Diyos, lahat ng ginagawa ng isang tao ay kinasasangkutan ng katotohanan at mga pagbabago sa disposisyon. Gagana ba ang paggamit ng mga parehong pamamaraan tulad ng ginawa nila sa mundo? (Hindi.) Hindi ito gagana. Pagdating sa kung paano haharapin ang mga kalagayan ng mga tao, kung paano haharapin ang mga kahinaan ng mga tao, kung paano susuportahan ang mga tao nang maayos, kung paano haharapin ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Diyos, kung paano magagawang makilala ng mga tao ang kanilang sarili kapag ibinunyag nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at kung paano gagawing matapat ang mga tao, wala silang kaalam-alam at nagsasalita pa nga ng walang kapararakan at pikit-matang nagpapataw ng mga regulasyon. Halimbawa, kung ang isang tao ay nagsasabi ng isang bagay na pang-baguhan at walang espirituwal na pang-unawa, sasabihin nila na ang taong ito ay may mababang kakayahan at hindi naghahangad ng katotohanan. Pikit-mata lang nilang inilalapat ang mga regulasyon, at ginagawa nila ito nang ganito at ganiyan hanggang sa ang iba ay walang daan pasulong, ginugulo sila at ginagawa silang walang motibasyon. Ang mga gumagawa ng tungkulin nila ay wala nang anumang lakas para rito, habang ang mga negatibo ay nagiging mas negatibo. Sinasabi ng ilang tao na mas mabuti para sa kanila na basahin ang mga salita ng Diyos sa tahanan kung ang ganoong tao ang mamumuno sa kanilang iglesia. Ano ang nagdulot nito? Kapag pinamunuan nila ang isang iglesia, idinudulot nilang mawalan ng motibasyon ang mga tao, ginagawa ang mga itong mawalan ng ganang manalig sa Diyos. Bakit ayaw nang manalig ng mga tao? Dahil noong una ay may kaunting malinaw na paningin ang mga tao, pero nagugulo at nalilito sila ng mga pagkilos ng taong ito. Walang anumang katotohanan sa puso ng mga taong ito sa simula pa lang—tanging pang-unawa ng mga doktrina. Matapos silang magulo ng taong ito, lalong naguguluhan ang isip nila, at hindi na nila maarok ang gawain ng Banal na Espiritu. Nagiging medyo malabo rin ang pag-iral ng Diyos mismo. Kaya, anong uri ng mga pamamaraan ang ginagamit nila para dalhin ang mga tao sa puntong ito? Halimbawa, katotohanan ba ang pahayag na “Ang tao ay nilikha ng Diyos”? (Oo.) Dapat mong gamitin ang iyong mga tunay na kabatiran, pang-unawa, at karanasan para mapatunayan ang pahayag na ito para mas matibay na paniwalaan ng mga kapatid na ang pahayag na ito ay ang katotohanan at tama at makumbinsi silang nagmula ang sangkatauhan sa Diyos, sa ganoon ay madaragdagan ang pananampalataya nila sa Diyos. Kapag ang isang tao ay may pananampalataya sa Diyos, kapag tumatanggap sila ng disiplina o dumaranas ng ilang paghihirap o pag-uusig, magkakaroon sila ng lakas sa kanilang puso. Ito ay isang katunayan. Pero ano ang sinasabi ng mga taong ito? “May isang programa sa TV na nagsasabing natuklasan na nanirahan ang mga tao sa mga tribo 100 milyong taon na ang nakalilipas.” Kapag ipinagyayabang nila ang kanilang kaalaman at nagsasalita tungkol sa kasaysayan nang ganito, nalilito ang lahat ng nakakarinig sa kanila: “Hindi ba’t sinasabi na nilikha ng Diyos ang tao? Kapag ganyan mo ito sinasabi, parang hindi iyon ganoon. Nanggaling ba ang tao sa mga unggoy?” Tingnan mo, saan nila dinala ang mga tao? Hindi ba’t nakakasama ito sa mga tao? (Nakakasama ito.) Sa tuwing may pagkakataon sila, ipinagyayabang nila ang kanilang kaalaman at nagsasalita tungkol sa kasaysayan, pilosopiya, at kung paano sila nakikitungo at nakikipagsabwatan sa mga opisyal ng gobyerno sa mundo, na ipinagyayabang lang ang mga bagay na ito. Kapag nagyayabang sila nang ganito, at kapag ang mga bagay na ito ay naririnig ng ilang kapatid na bata pa ang tayog, mahina, at may maliit na pananampalataya, saan napupunta ang kanilang puso? (Tumatakbo patungo sa mundo.) Tama iyan. Ano ang katumbas nito? Ang mga taong ito na ipinagkatiwala sa kanila ay nawala nila. Halatang karaniwang tao sila. Hindi lamang sa hindi nila nauunawaan ang mga bagay sa buhay pagpasok, hindi rin nila nauunawaan kung ano ang kanilang trabaho, lalong hindi ang mga espirituwal na bagay sa buhay o mga pagbabago sa disposisyon. Hindi nila nauunawaan ang alinman sa mga ito, pero nagpapanggap pa rin sila na taong nakakaunawa sa katotohanan at nagnanais na maging isang pastol para pamunuan ang mga hinirang na tao ng Diyos. Hindi ba’t katawa-tawa ito? Kung hindi mo nauunawaan ang mga espirituwal na bagay sa buhay, ano ang dapat mong gawin kapag napili bilang isang lider? Sasabihin mong: “Isa akong karaniwang tao, at hindi pa ako kailanman nakapamuno sa isang iglesia. Kailangan kong hanapin at tingnan kung ano ang itinakda ng mga pagsasaayos ng gawain tungkol dito, at hanapin ang mga taongnakauunawa rito para makipagbahaginan sa kung paano dapat isagawa ang trabaho, o hanapin ang mga kapatid na nakauunawa sa katotohanan at makipag-ugnayan sa kanila.” Ito ba ang tamang saloobin? (Ito nga.) Pero hindi ito ginagawa ng ilang tao. Nagmamagaling sila at nagsasabing, “Gusto mong makipag-ugnayan ako sa iba—sino ang may mas mataas na kuwalipikasyon kaysa sa akin? Sino ang may mas mataas na katayuan sa lipunan kaysa sa akin? Talagang kilala ako sa lipunan. Dapat akong bigyan ng kaunting paggalang ng sinumang nakakakita sa akin.” Nagyayabang lang sila at nagpapakitang-gilas ng kanilang mga kakayahan nang ganito. Kapag pinamunuan nila ang iglesia nang ganito, may pag-asa pa bang makapasok sa katotohanang realidad ang mga kapatid? (Wala silang pag-asa.) Wala silang pag-asa. At kahit na ito ang kaso, pinauulat pa rin ng mga taong ito sa iba ang lahat sa kanila. Saglit na nagtungo sa unibersidad ang mga demonyong ito, at nagtataglay sila ng kaunting kaalaman, at dahil dito ay nangangahas silang magyabang at manloko sa sekular na lipunan, at gumawa ng lahat ng uri ng masasamang bagay. May ilang paraan sila para sa pagiging buhay, kaya gusto nilang pumunta sa sambahayan ng Diyos para makamit ang isang bagay. Para makakuha ng katayuan at magdala ng kaluwalhatian sa kanilang mga ninuno, gusto pa nga nilang magpanggap na pagsasakatawan ng katotohanan para makinig at sumunod sa kanila ang mga hinirang na tao ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “pagsasakatawan ng katotohanan” sa kanila? Ibig sabihin nito, “Bawat isa sa aking mga kaisipan, mga diskarte, at mga opinyon, dapat ninyong lahat na itaguyod ang mga ito bilang katotohanan. Nagtakda ako ng panuntunan para sa iyo: Ang lahat ng mga bayarin, maging ang mga wala pang limang dolyar, ay dapat na iulat sa akin.” Sinasabi ng iba: “Hindi na dapat kailangang iulat ang limang dolyar. Mayroon din kaming saklaw ng awtoridad. Hindi ba kami puwedeng kumilos lang ayon sa prinsipyo?” Ano sa tingin nila? “Paano magiging ayos iyon? Malaking bagay ito. Ako ang lider. Ako lang ang may huling salita!” Kahit hindi nila sinasabi ito, ganito sila mag-isip sa kanilang puso. Ganito nila kinokontrol ang mga tao. Kaya nilang gawin ang anumang masama o nakalilinlang sa iba. Kapag nililinlang at sinasaktan nila ang iba, hindi sila kumukurap, hindi bumibilis ang tibok ng kanilang puso, at hindi talaga sila nababalisa. Kapag binigyan ng posisyon sa sambahayan ng Diyos, nangangahas silang tanggapin ito. Kapag nakuha na nila ito, ayaw na nilang bumaba sa puwesto at gustong magpanggap na pagsasakatawan ng katotohanan para pasunurin ang iba. Umiiral ba ang gayong mga tao? (Umiiral sila.)

May ilang tao na, kahit na nananalig sila sa Diyos, ay hindi kusang-loob at malugod na nagsisikap para sa Kanya, sa halip ay ginagampanan ang kanilang tungkulin nang may pag-aatubili. Iniisip lamang nila ang paggawa para makatanggap ng mga pagpapala pero hindi handang magsikap tungo sa katotohanan. Kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, madalas silang kumilos nang pabasta-basta at hindi maingat, at nasisiyahan sila sa pagkamit lang ng ilang resulta para hindi sila paalisin. Pero tunay mang nananalig ang mga tao sa Kanya at gumugugol ng kanilang sarili para sa Kanya, binibigyan ng Diyos ang mga tao ng pagkakataong magsisi. Hindi ka kokondenahin ng Diyos dahil hindi mo nauunawaan ang katotohanan o kumikilos ka nang pabasta-basta kapag ginagawa ang iyong tungkulin. Patuloy kang sisiyasatin ng Diyos para makita kung kaya mo bang tanggapin ang katotohanan at kung kaya mo talagang magsisi at tumahak sa tamang landas ng buhay. Depende ito sa kung paano ka pumipili. Hindi naunawaan ng ilang tao ang anumang katotohanan noong nagsimula silang gampanan ang kanilang mga tungkulin, pero dahil madalas silang nakikinig sa mga sermon at madalas na nagtitipon at nagbabahaginan, unti-unti nilang nauunawaan ang katotohanan. Nagiging lalo pang mas maliwanag ang kanilang puso, at nakikita nila na sila ay labis na nagkukulang, walang anumang katotohanan, at walang mga prinsipyo sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, gumagawa lang ng ilang gawain ayon sa kanilang sariling kagustuhan. Pakiramdam nila ay hindi alinsunod sa mga layunin ng Diyos ang ganitong pagganap ng kanilang mga tungkulin, at nakakaramdam ng pagsisisi ang kanilang puso. Nagsisimula silang magsikap tungo sa katotohanan, at nagkakamit sila ng lalo pang mas mahusay na mga resulta kapag gumaganap ng kanilang mga tungkulin. Katulad lang nito, sa isang banda, nagkakamit sila ng buhay pagpasok, at sa isa pang banda, unti-unti silang nagiging kuwalipikado sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Ito ay isang taong kayang tanggapin ang katotohanan sa pagganap ng kanyang mga tungkulin. Habang unti-unting lumilinaw ang pagkaunawa niya sa katotohanan, malinaw niyang nakikita ang sarili niyang mga pagbubunyag ng katiwalian. Makapagdarasal siya sa Diyos at makasasandig sa Diyos sa kanyang puso, magiging handang iwaksi ang kanyang katiwalian, isagawa ang katotohanan, at tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Ito ang unti-unting paglago ng buhay sa takbo ng pagganap ng tungkulin ng isang tao. Lahat niyong mga sumusunod sa Diyos ay nagagawang maunawaan ang katotohanan at makapasok sa katotohanang realidad habang ginaganap ang kanilang mga tungkulin. Kung ang isang tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan, magkakaroon ba ng gayong pagbabago? Talagang hindi. Ang ilang tao ay partikular na mayabang at palalo. Kapag nagpupunta sila sa sambahayan ng Diyos, lalo na pagkatapos gawin ang kanilang tungkulin, nagiging kapansin-pansin ang lawak nito. Habang nakakrus ang mga braso sa kanilang dibdib, o nakapamaywang, nagpapakita sila ng pagsuway at kawalang-kasiyahan. Bakit napakayabang nila? Sa kanilang puso, sinasabi nilang: “Para manalig ako sa Diyos at gawin ang aking tungkulin, tinalikuran ko ang mundo, ang aking pamilya, at ang aking trabaho. Hindi ba’t mataas ang presyong ito? Napakarami kong tinalikuran para sa Diyos. Hindi ba’t dapat bigyan ako ng kaunting kabayaran ng Diyos? Dagdag pa rito, ayon sa aking katayuan at kita sa lipunan, hindi ba’t dapat bigyan man lang ako ng parehong pagtrato ng sambahayan ng Diyos? Ngayong ginagampanan ko ang aking tungkulin, hindi ba ako mabibigyan ng Diyos ng espesyal na pabor? Isa akong espesyal na talento, mas mahusay kaysa sa mga ordinaryong tao. Dapat magkaroon ako ng katayuan sa sambahayan ng Diyos. Kung kayang mamuno ng iba, kaya ko ring mamuno. Hindi dapat mas mababa kaysa sa iba ang katayuan ako, at dapat kong tamasahin ang pagtratong mas mataas kaysa sa mga ordinaryong tao. Higit sa lahat, matitiyak ba sa akin ng Diyos na tatanggap ako ng mga pagpapala at magkakaroon ng magandang patutunguhan sa hinaharap?” Mula sa mga kaisipan sa kanilang puso, makikita natin na sila ay naparito para gumawa ng kasunduan sa Diyos, hindi para taimtim na igugol ang sarili nila para sa Kanya. Ang iniisip nila ay katulad nang kay Pablo, gustong gawin ang kanilang tungkulin kapalit ng mga pagpapala ng Diyos. Pero mas masama ang dahilan nila kaysa kay Pablo—mas mababa ito kaysa nang kay Pablo. Bakit ko ito sinasabi? Dahil totoong nagdusa si Pablo sa loob ng maraming taon na ipinalaganap niya ang ebanghelyo, at ang mga bunga ng kanyang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay higit na mabuti kaysa sa mga ordinaryong tao. Kahit papaano, nilakbay ng kanyang mga yapak ang karamihan ng Europa; nagtatag siya ng maraming iglesia sa buong Europa. Sa bagay na ito, hindi maikukumpara ang mga ordinaryong anticristo sa katwiran ni Pablo o kung gaano siya nagtrabaho. Pero ang taong kakabanggit ko lang ay nagiging sobrang mayabang pagkatapos lang gawin ang kanyang tungkulin. Hindi ba’t masyadong walang katwiran iyon? Lubos silang hindi makatwiran, at tulad ng isang tulisan, kapag nasunggaban na nila ang pagkakataong makatanggap ng mga pagpapala, hindi na nila ito mapakawalan. Ang gayong mga tao ay palaging kusang-loob na naghahanap ng mga oportunidad para maging sentro ng atensiyon sa sambahayan ng Diyos, kahit na sa pagiging isang lider ng grupo o isang superbisor lang. Sa madaling salita, kapag pumupunta sa sambahayan ng Diyos, ayaw nilang maging isang ordinaryong tagasunod. Kung sinuman ang makakaamin na sila ay isang ordinaryong nilalang, na sila ay isang ordinaryong nilalang lang tulad ng lahat ng iba pang mga nilalang, hindi nila kailanman tatanggapin ang pananaw na ito—hindi nila kailanman hahayaan ang sarili nilang maitrato nang hindi tama sa ganitong paraan. Naniniwala sila na dapat silang magkaroon ng espesyal na pagtrato at na dapat silang bigyan ng Diyos ng espesyal na biyaya at mga pagpapala. Gusto rin nilang magtamasa ng mga espesyal na benepisyo ng katayuan sa sambahayan ng Diyos. Hindi nila pinapayagan ang sambahayan ng Diyos na pagdudahan ang kanilang mga talento, at lalong hindi nila pinapayagan ang mga tao na magtanong tungkol sa kanilang gawain—ang lahat ay dapat na may lubos na pananampalataya sa kanila dahil tinalikuran nila ang lahat para sa Diyos at lubos silang tapat sa Kanya. Hindi ba’t isa itong hindi makatwirang kahilingan? May anumang katwiran ba ang taong ito? Ilan ang gayong tao? Ilang porsyento kaya ito ng iglesia? Palaging iniisip ng gayong mga tao na mayroon silang ilang abilidad at talento, kaya ipinagmamalaki nila kung gaano sila katalino. Kaya, ano ang ibig sabihin nitong tinatawag na talento? Ibig sabihin nito na kaya nilang magmalaki, magsalita ng maraming walang kapararakang bagay, magbago ng paraan ng kanilang pagsasalita depende sa kung sino ang kausap nila, at may mas mataas na kasanayan sa panlilinlang kaysa sa mga ordinaryong tao. Naniniwala silang ito ay talento at abilidad, at gusto nilang gamitin ang abilidad na ito para magyabang at manloko. Ano ang ibig sabihin ng tunay na talento? Ibig sabihin nito ay pagkakaroon ng mga espesyal na kasanayan. Nang likhain ng Diyos ang tao, binigyan Niya ng iba’t ibang espesyalidad ang iba’t ibang uri ng tao. Ang ilang tao ay magaling sa panitikan, ang ilang tao ay magaling sa medisina, ang ilang tao ay magaling sa pag-aaral ng mga kasanayan, ang ilang tao ay magaling sa siyentipikong pananaliksik, at iba pa. Ang mga espesyalidad ng mga tao ay ibinigay ng Diyos at hindi dapat ipagyabang. Anuman ang mga espesyalidad na mayroon ang isang tao, hindi ibig sabihin nito na nauunawaan niya ang katotohanan, at tiyak na hindi ibig sabihin nito na nagtataglay siya ng katotohanang realidad. Ang mga tao ay may partikular na mga espesyalidad, at kung nananalig sila sa Diyos, dapat nilang gamitin ang mga espesyalidad na ito para gawin ang mga tungkulin nila. Katanggap-tanggap ito sa Diyos. Ang pagyayabang sa isang partikular na espesyalidad o pagnanais na gamitin ito para gumawa ng mga kasunduan sa Diyos—masyadong wala itong katwiran. Hindi pinapaboran ng Diyos ang gayong mga tao. Alam ng ilang tao ang isang partikular na kasanayan, kaya kapag pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos, pakiramdam nila ay mas nakatataas sila kaysa sa iba, gusto nilang magtamasa ng espesyal na pagtrato, at pakiramdam nila ay garantisado ang trabaho nila panghabambuhay. Itinuturing nila ang kasanayang ito bilang isang uri ng kapital—anong kayabangan! Kaya, paano mo dapat tingnan ang mga kaloob at espesyalidad na ito? Kung kapaki-pakinabang ang mga bagay na ito sa sambahayan ng Diyos, mga kasangkapan lang ang mga ito para sa pagtupad mo ng iyong tungkulin. Walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Gaano man karami ang mayroon ka, ang mga kaloob at talento ay mga espesyalidad lang ng tao at walang kinalaman sa katotohanan. Ang iyong mga kaloob at espesyalidad ay hindi nangangahulugang nauunawaan mo ang katotohanan, at tiyak na hindi ibig sabihin ng mga ito na tinataglay mo ang katotohanang realidad. Kung ginagamit mo ang iyong mga kaloob at espesyalidad para gawin ang iyong tungkulin at gawin ang iyong tungkulin nang maayos, ginagamit mo ang mga ito sa tamang lugar, at ang paggamit nito ay sinasang-ayunan ng Diyos. Pero kung gagamitin mo ang iyong mga kaloob at espesyalidad para magyabang, magpatotoo sa iyong sarili, at magtayo ng isang indipendiyenteng kaharian, magiging malaki ang iyong mga kasalanan, at magiging isa kang malaking salarin sa paglaban sa Diyos. Ang mga kaloob ay ibinigay ng Diyos. Kung hindi mo kayang gamitin ang mga ito para gawin ang iyong tungkulin at magpatotoo sa Diyos, magiging masyado kang walang konsensiya at walang katwiran, at mararamdaman mong may utang na loob ka sa Diyos—napakatinding paghihimagsik nito! Pero gaano mo man kahusay ginagamit ang iyong mga kaloob at espesyalidad, hindi ibig sabihin nito na nasa iyo ang katotohanang realidad. Ang pagsasagawa ng katotohanan at pagkilos nang may prinsipyo ay nangangahulugang nasa iyo ang katotohanang realidad. Ang mga kaloob at talento ay palaging mga kaloob at talento. Walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Gaano man karami ang iyong mga kaloob at talento, at gaano man kataas ang iyong reputasyon o gaano kataas ang iyong katayuan, hindi ito kailanman mangangahulugan na nasa iyo ang katotohanang realidad. Ang mga kaloob at talento ay hindi kailanman magiging katotohanan. Walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Pero hindi ganito mag-isip ang mga anticristo, at tiyak na ang mga bagay na ito ang pinahahalagahan nila nang malaki. Halimbawa, may ilang tao na may talento sa pag-arte. Pagkatapos gumanap ng papel ng bida sa isang pelikula na kinunan sa sambahayan ng Diyos, nagsisimula silang magpa-importante. Kahit na ang tatlong tao na tumutulong sa kanila na maglagay ng makeup ay hindi sapat para matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Ordinaryong tao lang sila noon, pero ngayong nananalig na sila sa Diyos, pagkatapos gawin ang tungkulin nila bilang artista, nagsisimula na silang magpa-importante. Hindi ba’t nakikipaglaro sila sa kamatayan? Sa tingin ko iyon mismo ang ginagawa nila! Hindi sila espesyal sa hitsura, at karaniwan ang kanilang mga kasanayan sa pag-arte. Angkop lang sila sa pag-arte ng mga partikular na bahagi, kaya binigyan sila ng isa pang papel—hindi ba’t pagdakila ito sa kanila? Kapag nabigyan ng pagkakataong gawin ang tungkulin nila, nagpapa-importante pa nga sila. Kapag umaarte, inuutusan nila ang mga tao sa paligid na pagsilbihan sila sa pamamagitan ng pagdadala ng tsaa at pagbubuhos ng tubig, ginagalit ang lahat ng mga kapatid na nakakita. Sinabi kong, “Alisin mo sila!” At kaya inalis sila ng iglesia. Hindi ba’t dapat pinaalis ang mga taong ito? Akala nila ay hindi makagagawa ng mga pelikula ang iglesia kung wala sila, kaya nangahas silang magpa-importante. Hindi nila inaasahan ang kahihinatnang ito. Idinulot ito ng kanilang kalikasan. Pinahahalagahan ng gayong mga tao ang kaalaman, talento, pagkatuto, at karanasan. Masyado nilang pinahahalagahan ang mga bagay na ito, pero binabalewala nila ang pinakamahalagang bagay—ang katotohanan. Hindi nila napapagtanto na naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos. Kung hindi nila hahangarin ang katotohanan, gaano man kataas ang kanilang kaalaman o gaano kalaki ang kanilang galing sa pagsasalita, hindi nila magagawang manatili. Hindi magtatagal, mabubunyag at matitiwalag sila. Madali ba para sa mga tao na maunawaan ang kaunting doktrinang ito? Ang mga taong nananalig sa Diyos sa loob ng maraming taon pero hindi ito maunawaan ay mga tao lang na magulo ang isip na walang anumang halaga. Kung medyo may katwiran lang sila, hindi sila magiging masyadong mayabang. Ang ganoong mga tao ay mga demonyo at mga Satanas na nagtataksil sa sarili nila. Ngayon, direkta Kong tinukoy ang bagay na ito para maunawaan rin ninyo ito nang malinaw; para matukoy ninyo nang kaunti ang bagay na ito at maunawaan ito. Kung hindi Ko ito tinukoy nang malinaw, magagawa ba ninyong makilala ito nang ganito? Magagawa ba ninyong alisin ang mga ito? Hindi nakikita ng mga tao ang problema, kaya kailangan Kong maging prangka. Kung hindi Ako prangka, hindi malulutas ang problema. Sa pagsandig sa ilang doktrina lang na nauunawaan ninyo, walang problemang malulutas.

Palaging iniisip ng mga anticristo ang sarili nila bilang may mga espesyal na talento. Iniisip nilang mga nagtapos sila sa kolehiyo na lubos na marunong at nagtataglay ng mayamang kaalaman. Labis nilang iniingatan at pinahahalagahan ang kanilang kaalaman at ang mga natutunan nilang espirituwal na teorya, at tinatrato pa nga ang mga bagay na ito bilang katotohanan. Higit pa rito, madalas nilang ginagamit ang kaalaman at karanasang ito na pinaniniwalaan nilang tama, para turuan, iligaw, o i-kondisyon ang mga nakapaligid sa kanila. Sa partikular, madalas nilang binabanggit ang “maluwalhati” nilang nakaraan, na ginagamit nila para hikayatin at kumbinsihin ang ibang tao, at gawin ang mga itong pahalagahan at sambahin sila. At ano itong mga “maluwalhating” nakaraan nila? Sasabihin ng ilan sa kanila: “Dati akong tagapagturo sa isang unibersidad. Ang lahat ng aking mga mag-aaral ay mga mag-aaral ng Masters o PhD. Sa tuwing nagbibigay ako ng lektura, walang ni isang bakanteng upuan; ang bawat isa sa mga estudyante ay nakaupong lubos na tahimik, nakatingin sa akin nang may pagsamba at paghanga sa kanilang mga mata. Hindi man lang ako kinakabahan. Kay dakila at kahanga-hanga nitong lahat! Ipinanganak ako na may gayong talento at gayong lakas ng loob.” Sasabihin ng iba na: “Natuto akong magmaneho noong 14 anyos ako. Nagmamaneho ako ngayon nang higit sa 40 taon na at nangunguna ang aking mga kasanayan sa pagmamaneho.” Ano ang ibig sabihin nila rito? Ang ibig nilang sabihin ay: “Ilang araw ka pa lang nagmamaneho. Ano ang alam mo? Ang isang batikang drayber na katulad ko ay buong buhay nang nagmamaneho. Mayroon akong lahat ng uri ng karanasan. Sa hinaharap, dapat mo akong tanungin kung may bagay kang hindi nauunawaan. Dapat kang makinig sa sasabihin ko.” Kapag mayroon silang ilang uri ng kasanayan, iniisip ng mga anticristo na pambihira ang kanilang sarili, pinalalabas nilang mahiwaga ang kanilang sarili, at pinagyayabang nila ang kanilang sarili at nagpapatotoo sa kanilang sarili, ginagawang pahalagahan at sambahin sila ng iba. Kapag may kaunting lakas o kaloob ang ganitong uri ng mga tao, ito ay nagpapaisip sa kanila na mas mahusay sila kaysa sa iba, at naghahangad na pamunuan ang mga ito. Kapag lumapit ang ibang tao sa kanila para sa mga kasagutan, tinuturuan sila ng mga anticristo mula sa itaas, at kung hindi pa rin nakauunawa ang mga taong iyon pagkatapos, iniuugnay na lamang nila ito basta sa pagkakaroon ng mga ito ng mababang kakayahan, kahit na sa katunayan, ang mga anticristo mismo ang hindi nagbigay ng malinaw na paliwanag. Halimbawa, kapag nakitang hindi kayang ayusin ng isang tao ang isang sirang makina, sasabihin ng isang anticristo na: “Paanong hindi mo pa rin alam kung paano ito gawin? Hindi ba’t sinabi ko na sa iyo kung paano ito gawin? Ipinaliwanag ko ito nang malinaw, pero hindi mo pa rin ito nakukuha. Napakababa talaga ng iyong kakayahan. Bigo kang matuto sa tuwing tinuturuan kita kung paano ito gawin.” Pero kapag hiningi ng taong iyon sa kanila na ayusin ang makina, titingnan nila ito nang matagal at hindi rin alam kung paano ito aayusin, at itatago pa nga nila mula sa taong iyon ang katunayan na hindi nila alam kung paano ito ayusin. Pagkatapos paalisin ang taong iyon, palihim na magsasaliksik ang anticristo at susubukang alamin kung paano ayusin ang makina, pero hindi pa rin niya ito maaayos. Hahantong sila sa pagbabaklas ng makina, magkakalat nang husto, at hindi na magagawang maibalik ito sa dati. Pagkatapos, sa takot na makita ito ng iba, itatago nila ang mga piraso. Nakakahiya ba ang hindi malaman kung paano gawin ang ilang bagay? Mayroon bang sinumang kayang gawin ang lahat? Hindi nakakahiya ang hindi malaman kung paano gawin ang ilang bagay. Huwag kalimutang isa ka lang ordinaryong tao. Walang sinumang nagpapahalaga o sumasamba sa iyo. Ganoon lang ang isang ordinaryong tao: isang ordinaryong tao. Kung hindi mo alam kung paano gawin ang isang bagay, sabihin mo lang na hindi mo alam kung paano ito gawin. Bakit mo susubukang magbalatkayo? Kamumuhian ka ng mga tao kung palagi kang nagbabalatkayo. Hindi magtatagal, mailalantad mo ang iyong sarili, at sa oras na iyon, mawawala ang iyong dignidad at iyong integridad. Ito ang disposisyon ng isang anticristo—palagi niyang iniisip ang kanyang sarili bilang isang taong alam gawin ang lahat, bilang isang taong kayang gawin ang lahat, na may kakayahan at may kahusayan sa lahat ng bagay. Hindi ba’t magdadala ito sa kanya ng problema? Ano ang gagawin niya kung mayroon siyang matapat na saloobin? Sasabihin nila: “Hindi ako bihasa sa teknikal na kasanayang ito; May kaunti lang akong karanasan. Nagawa ko na ang lahat ng alam ko, pero hindi ko nauunawaan itong mga bagong problemang kinakaharap natin. Samakatuwid, dapat tayong matuto ng ilang propesyonal na kaalaman kung gusto nating gawin nang maayos ang ating tungkulin. Ang pagpapakabihasa sa propesyonal na kaalaman ay magbibigay-daan para epektibo nating magawa ang ating tungkulin. Ipinagkatiwala sa atin ng Diyos ang tungkuling ito, kaya may responsabilidad tayong gawin ito nang maayos. Dapat nating pag-aralan ang propesyonal na kaalamang ito batay sa isang saloobin ng pag-ako ng responsabilidad para sa ating tungkulin.” Ito ay pagsasagawa ng katotohanan. Hindi ito gagawin ng isang taong may disposisyon ng isang anticristo. Kung may kaunting katwiran ang isang tao, sasabihin niya: “Ito lang ang alam ko. Hindi mo ako kailangang pahalagahan, at hindi ko na kailangang magpa-importante—hindi ba’t mapapadali niyon ang mga bagay-bagay? Miserable ang palaging pagbabalat-kayo. Kung may isang bagay tayong hindi alam, puwede natin itong matutunan nang sama-sama at pagkatapos ay magtulungan nang maayos para gawin ang ating tungkulin nang maayos. Dapat tayong magkaroon ng responsableng saloobin.” Pagkakita nito, iisipin ng mga tao, “Mas mabuti ang taong ito kaysa sa atin; kapag may dumating sa kanilang problema, hindi nila pikit-matang pinipilit ang kanilang sarili na lampasan ang kanilang mga limitasyon, ni hindi nila ito ipinapasa sa iba, o tinatalikuran ang responsabilidad. Sa halip, inaako nila ito mismo at hinaharap ito nang may seryoso at responsableng saloobin. Ito ay isang mabuting tao na seryoso at responsable sa kanilang trabaho at tungkulin. Mapagkakatiwalaan sila. Tama ang sambahayan ng Diyos na ipagkatiwala sa kanila ang mahalagang gawaing ito. Tunay na sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao!” Sa paggawa ng kanilang tungkulin sa ganitong paraan, mapaghuhusay nila ang kanilang mga kasanayan at makakamit ang pagsang-ayon ng lahat. Paano nakakamit ang pagsang-ayon na ito? Una, hinaharap nila ang tungkulin nila nang may seryoso at responsableng saloobin; pangalawa, nagagawa nilang maging matapat na tao, at mayroon silang praktikal at palaaral na pag-uugali; pangatlo, hindi maitatanggi na nasa kanila ang patnubay at kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang gayong tao ay may pagpapala ng Diyos; ito ay isang bagay na kayang kamtin ng isang taong may konsensiya at katwiran. Kahit mayroon silang mga tiwaling disposisyon, kapintasan, at pagkukulang, at hindi nila alam kung paano gawin ang maraming bagay, nasa tamang landas pa rin sila ng pagsasagawa. Hindi sila nagbabalat-kayo o nanlilinlang; mayroon silang seryoso at responsableng saloobin sa kanilang tungkulin, at isang nananabik at banal na saloobin sa katotohanan. Hindi kailanman magagawa ng mga anticristo ang mga bagay na ito dahil ang kanilang paraan ng pag-iisip ay palaging magiging iba sa mga nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Bakit magkaiba silang mag-isip? Dahil nasa kalooban nila ang kalikasan ni Satanas; namumuhay sila ayon sa disposisyon ni Satanas para makamit ang kanilang layunin na magkamit ng kapangyarihan. Palagi silang naghahangad na gumamit ng iba’t ibang paraan para makisali sa mga pakana at panlilinlang, inililihis ang mga tao sa anumang paraan para sambahin at sundin sila. Samakatuwid, para maloko ang mga tao, hinahanap nila ang lahat ng uri ng paraan para magbalat-kayo, mandaya, magsinungaling, at manlinlang, para mapaniwala ang iba na tama sila sa lahat ng bagay, na may kakayahan sila sa lahat ng bagay, at na kaya nilang gawin ang anumang bagay; na mas matalino sila kaysa sa iba, na mas marunong sila kaysa sa iba, na mas nakauunawa sila kaysa sa iba; na mas mahusay sila sa lahat ng bagay kaysa sa iba, at na nakahihigit sila sa iba sa lahat ng aspekto—maging na sila ang pinakamahusay sa pinakamahusay sa anumang grupo. Mayroon silang ganoong pangangailangan; ito ang disposisyon ng mga anticristo. Kaya, natututo silang magpanggap bilang isang bagay na hindi sila, na nagbubunga ng bawat isa sa iba’t ibang pagsasagawa at pagpapamalas na ito.

Pag-isipan mo ito: Anong disposisyon ang tinataglay ng mga taong gustong magpanggap na isang bagay na hindi sila? Nagpapanggap sila na ano? Hindi sila nagpapanggap na demonyo o isang negatibong tao; nagpapanggap sila bilang isang bagay na matayog, mabuti, maganda, at mabait, na maging isang bagay na pinahahalagahan at hinahangaan ng mga tao—nagpapanggap sila na mga bagay na ito na pinupuri o sinasang-ayunan ng mga tao. Nagpapanggap silang alam at nauunawaan nila ang lahat; nagpapanggap silang nagtataglay ng katotohanan, na maging isang positibong tao, at na maging katotohanang realidad. Hindi ba’t paghahanap ito ng sarili nilang kapahamakan? Mayroon ba sila ng realidad na iyon? Mayroon ba sila ng diwang iyon? Wala. Tiyak ito na dahil hindi nila ginagawa iyong sinasabing nagpapanggap sila. Kaya, may magsasabi ba na sila ang pagsasakatawan ng katotohanan dahil tinataglay nila ang katotohanang realidad? Kapani-paniwala ba ang pahayag na ito? (Hindi, hindi ito kapani-paniwala.) Kahit nagtataglay ka ng ilang katotohanang realidad, hindi talaga ikaw ang pagsasakatawan ng katotohanan. Kaya, ang sinumang nagpapanggap na pagsasakatawan ng katotohanan ay isang mapagmataas na indibidwal at isang kakatwang uri! Ang isang tao na nagtataglay ng kaunti lang ng katotohanang realidad pero nangangahas na magpanggap na pagsasakatawan ng katotohanan ay parang isang patak lang ng tubig na nagsasabing siya ay isang malawak, walang hangganang dagat. Hindi ba’t ito ang rurok ng kayabangan? Hindi ba’t ito ay hayagang kawalanghiyaan? Para magpanggap ang isang tao na pagsasakatawan ng katotohanan, dapat na may puhunan siya para gawin ito. At ano ang ginagamit ng mga anticristo para magpanggap na pagsasakatawan ng katotohanan? Ito iyong mga bagay na kasasabi ko lang—kaalaman, karanasan, at mga aral. Kabilang dito ang mga espesyal na kasanayan at talento na nakukuha ng mga tao sa pag-aaral gayundin ang mga kaloob na taglay nila pagkapanganak. Ang ilang tao ay may kaloob sa pagsasalita ng iba’t ibang wika, habang ang iba naman ay may kaloob o kahusayan sa pagsasalita para sa pangangaral. Natutunan o pinagkadalubhasaan ng iba ang ilang espesyal na propesyonal na kasanayan. Halimbawa, ang ilang tao ay partikular na namumukod-tangi sa sayaw, musika, sining, mga wika, o panitikan; habang ang iba ay mahusay sa pulitika, na ang ibig sabihin ay magaling sila sa pagmamanipula ng mga tao, na mahusay sila sa diplomasya, at iba pa. Sa madaling salita, kabilang dito ang mga taong may espesyal na talento mula sa lahat ng antas ng pamumuhay. Ang mga taong ito na may mga espesyal na talento o kaloob ay puwedeng walang isang partikular na katayuan o isang nakatakdang propesyon sa lipunan. Ang ilang tao ay nakatira sa maliliit na lugar, pero nakapagsasalita ng tungkol sa isang malawak na saklaw ng mga usapin mula sa nakaraan hanggang sa kasalukuyan nang malinaw at lohikal, at sa isang partikular na mahusay na paraan. Kung ang mga taong may ganitong mga espesyal na talento ay may disposisyon ng isang anticristo, hindi sila makukuntento sa mga kasalukyang bagay kapag sila ay pumunta sa sambahayan ng Diyos; magtataglay sila ng ilang ambisyon at pagnanais, at unti-unti silang mabubunyag.

Tungkol sa aytem ng pagpapanggap ng mga anticristo na pagsasakatawan ng katotohanan kapag nagtamo ng kaunting karanasan, kaalaman, o mga aral na kanilang nakamit, kakatalakay lang natin ang saklaw ng naturang kaalaman, karanasan, at mga aral. At ano ang naging pokus ng talakayang ito? (Pagpapanggap.) Tama iyan. Ang pinakabuod ay pagpapanggap ng mga anticristo na maging pagsasakatawan ng katotohanan. Kaalaman, karanasan, mga aral—wala sa mga bagay na ito ang katotohanan; wala talagang kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Sumasalungat pa nga ang mga bagay na ito sa katotohanan at kinokondena ng Diyos. Tingnan ang kaalaman, halimbawa, maituturing bang isang anyo ng kaalaman ang kasaysayan? (Oo.) Paano nabuo ang kaalaman at mga aklat-pangkasaysayan tungkol sa kasaysayan ng tao, kasaysayan ng ilang bansa o etnikong grupo, modernong kasaysayan, sinaunang kasaysayan, o maging ng ilang hindi opisyal na kasaysayan? (Isinulat ang mga ito ng mga tao.) Kaya, ang mga bagay ba na isinulat ng mga tao ay nakaayon sa tunay na kasaysayan? Hindi ba’t salungat ang mga ideya at pananaw ng mga tao sa mga prinsipyo, paraan, at pinagkukunan ng mga pagkilos ng Diyos? Nauugnay ba sa tunay na kasaysayan ang mga salitang ito na binigkas ng tao? (Hindi.) Walang kaugnayan. Samakatuwid, gaano man katumpak ang mga tala na nilalaman sa mga aklat-pangkasaysayan, kaalaman lang ang mga ito. Kahit gaano kahusay magsalita ang mga historyador na iyon, at gaano kalohikal at kalinaw nilang isinalaysay ang mga kasaysayang ito, ano ang konklusyong makukuha mo pagkatapos makinig sa mga ito? (Malalaman natin ang mga pangyayaring iyon.) Oo, malalaman mo ang mga pangyayaring iyon. Pero isinasalaysay ba nila ang mga kasaysayang ito para lang ipaalam sa iyo ang tungkol sa mga pangyayaring iyon? May partikular silang ideya na gusto nilang iindoktrina sa iyo. At ano ang pokus ng kanilang indoktrinasyon? Ito ang kailangan nating suriin at himayin. Hayaan Mo akong magbigay ng isang halimbawa para maunawaan ninyo kung ano ang gusto nilang iindoktrina sa mga tao. Pagkatapos balik-aralan ang kasaysayan mula sa sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan, nakabuo ang mga tao sa huli ng isang kasabihan; naobserbahan nila ang isang katotohanan mula sa kasaysayan ng tao, na: “kinukuha ng mga nagwagi ang korona, at walang nakukuha ang mga talunan.” Kaalaman ba ito? (Oo.) Nagmula ang kaalamang ito mula sa mga katunayang pangkasaysayan. May kinalaman ba ang kasabihang ito sa mga paraan at pinagkukunan kung paano pinanghahawakan ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? (Wala.) Sa katunayan, kabaligtaran ito; sumasalungat at tumataliwas ito sa mga ito. Kaya, naindoktrinahan ka na ng kasabihang ito, at kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, o kung ikaw ay isang walang pananampalataya, ano marahil ang maiisip mo pagkatapos marinig ito? Paano mo maiintindihan ang kasabihang ito? Una sa lahat, inililista lahat ng mga historyador o aklat-pangkasaysayan na ito ang mga ganitong uri ng pangyayari, gamit ang sapat na ebidensya at mga pangyayaring pangkasaysayan para patunayan ang katumpakan ng kasabihan. Sa simula, puwedeng natutunan mo lang ang kasabihang ito mula sa isang libro, at alam mo lang ang mismong kasabihan. Puwedeng nauunawaan mo lang ito sa isang antas o sa isang partikular na lawak hanggang sa mabatid mo ang mga pangyayaring ito. Pero sa sandaling marinig mo ang mga makasaysayang katunayang ito, lalalim ang iyong pagkilala at pagtanggap sa kasabihan. Talagang hindi mo sasabihing, “May mga bagay na hindi ganoon.” Sa halip, sasabihin mong, “Ganyan iyan; sa pagtingin sa kasaysayan mula noong sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan, umunlad ang sangkatauhan sa ganitong paraan—kinukuha ng mga nagwagi ang korona, at walang nakukuha ang mga talunan!” Kapag nakikita mo ang usapin sa gayong paraan, anong mga pananaw at saloobin ang panghahawakan mo sa iyong pag-asal, sa iyong propesyon, at sa iyong pang-araw-araw na buhay, gayundin sa mga tao, mga pangyayari, at mga bagay sa paligid mo? Mababago ba ng gayong pagkakaintindi ang iyong saloobin? (Oo.) Higit sa lahat, mababago ito. Kaya, paano nito mababago ang iyong saloobin? Gagabayan at babaguhin ba nito ang direksiyon ng iyong buhay at ang iyong mga pamamaraan para sa mga makamundong pakikitungo? Marahil pinaniwalaan mo dati na “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan” at “Ang mabubuti ay may payapang buhay.” Ngayon, iisipin mo na, “Dahil kinukuha ng mga nagwagi ang korona, at walang nakukuha ang mga talunan,’ kung gusto kong maging isang opisyal, kailangan kong pag-isipang mabuti si Ganito-at-ganyan. Wala sila sa panig ko, kaya hindi ko maitataas ang posisyon nila—kahit na karapat-dapat sila na maitaas ang posisyon.” Habang iniisip mo ang mga bagay sa ganitong paraan, magbabago ang iyong saloobin—at mabilis itong magbabago. Paano mangyayari ang pagbabagong ito? Ito ay dahil tinanggap mo ang ideya at pananaw na “Kinukuha ng mga nagwagi ang korona, at walang nakukuha ang mga talunan.” Ang pagdinig ng maraming katunayan ay lalo lang magpapatibay sa pagiging tama ng pananaw na ito sa totoong buhay ng tao para sa iyo. Lubos kang maniniwala na dapat mong ilapat ang pananaw na ito sa iyong sariling mga pagkilos at pag-uugali para hangarin ang iyong buhay sa hinaharap at mga pagkakataon. Hindi ka ba mababago ng ideya at pananaw na ito? (Oo.) At habang binabago ka nito, gagawin ka ring tiwali nito. Ganyan ito. Binabago at ginagawa kang tiwali ng gayong kaalaman. Kaya, kapag tinitingnan ang ugat ng usaping ito, gaano man katumpak ang pagkakalatag ng mga kasaysayang ito, sa huli ay nabubuod ang mga ito sa kasabihang ito, at ikaw ay naiindoktrinahan ng ideyang ito. Ang kaalaman bang ito ay ang pagsasakatawan ng katotohanan o ang lohika ni Satanas? (Ang lohika ni Satanas.) Tama iyan. Naipaliwanag ko ba ito nang may sapat na detalye? (Oo.) Ngayon ay malinaw na ito. Kung hindi ka nananalig sa Diyos, hindi mo pa rin ito mauunawaan kahit na pagkatapos ng dalawang habang buhay—mas matagal kang nabubuhay, mas mararamdaman mo na hangal ka, at iisipin na hindi ka sapat na malupit, at dapat kang maging mas malupit, mas tuso, mas nakatatakot, at mas malala at mas masamang tao. Iisipin mo sa sarili mo na: “Kung kaya niyang pumatay, dapat akong magsindi ng mga apoy. Kung papatay siya ng isang tao, kailangan kong pumatay ng 10. Kung papatay siya nang hindi nag-iiwan ng bakas, mananakit ako ng mga tao nang hindi nila nalalaman—gagawin ko pang pasalamatan ako ng kanilang mga inapo sa loob ng tatlong henerasyon!” Ito ang impluwensiyang naidulot ng pilosopiya, kaalaman, karanasan, at mga aral ni Satanas sa sangkatauhan. Sa realidad, ito ay pang-aabuso at katiwalian lang. Samakatuwid, anumang uri ng kaalaman ang ipinangangaral o ipinapalaganap sa mundong ito, iindoktrinahan ka nito ng isang ideya o pananaw. Kung hindi mo ito makikilatis, malalason ka. Sa kabuuan, isang bagay ang tiyak ngayon: Hindi mahalaga kung ang kaalamang ito ay nagmula sa mga karaniwang tao o mula sa mga opisyal na mapagkukunan, kung iginagalang ito ng isang minorya o iginagalang ng mayorya—wala sa mga ito ang nauugnay sa katotohanan. Ang katotohanan ay ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Ang pagiging tama nito ay hindi natutukoy sa bilang ng mga taong kumikilala rito. Ang realidad ng mga positibong bagay ay mismong ang katotohanan. Walang sinumang makapagpapabago nito, ni sinumang makapagkakaila nito. Ang katotohanan ay palaging magiging ang katotohanan.

Pag-usapan natin ang katunayan na pinanghahawakan ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Mula nang simulang pamunuan ng Diyos ang sangkatauhan, nag-iingat din Siya ng isang kasaysayan at isang tala. Paano tinitingnan ng Diyos ang kasaysayan ng tao? Ang gusto ng Diyos na makita ng mga tao ay ang katotohanan, at ang mga pagsusuri at konklusyon na ginagawa ng mga tao tungkol sa mga bagay-bagay ay hindi ang katotohanan. Pero bakit hindi tinitingnan ng mga tao ang kasaysayan batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan? Dahil tutol ang mga tao sa katotohanan, namumuhi sa katotohanan, at hindi talagang tumatanggap ng kahit katiting na katotohanan. Iyon ang dahilan kung bakit nakakaiimbento sila ng mga mapanlinlang, kalibak-libak, at kakatwang teorya. Halimbawa, ipinaglihi ang Panginoong Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Isa itong positibong bagay. Gayunpaman, ano ang sinasabi ni Satanas tungkol dito? Hindi kinikilala ni Satanas ang katotohanan ng paglilihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, at nilalapastangan pa nga na ang Panginoong Jesus ay isang bastardo, na isinilang Siya ng tao. Ginagamit ni Satanas ang pinakamaruming salita ng sangkatauhan, isang pagpapahayag na kinukutya at hinahamak ng mga tao, at inilalapat ito sa kapanganakan ng Panginoong Jesus. Hindi ba’t pagbabaluktot ito ng mga katunayan? (Oo.) Ang paglilihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay gawain ng Diyos. At anuman ang anyo nito, isang bagay ang tiyak tungkol sa gawain ng Diyos: Ito ay ang katotohanan, ang hindi nababagong katotohanan. Kaya, bakit hindi tinatanggap ni Satanas ang gayong malinaw na katunayan, isang katunayang dati nang paunang itinakda at nasaksihan ng Diyos? Bakit hindi ito pinapansin ni Satanas at inilarawan pa ang Panginoong Jesus bilang isang anak sa labas na isinilang ng tao? (Namumuhi ito sa katotohanan, namumuhi ito sa mga positibong bagay.) Sinasadya nitong siraan ang Diyos! Si Satanas ang higit na nakakaalam sa katunayang ito; ganap na malinaw nitong nakikita ito sa espirituwal na mundo. Kaya bakit nito ginagawa ito? Ano ang motibo nito, ano ang layunin nito? Bakit pinalalaganap nito ang gayong pahayag? Sinasadya nitong hamakin at siraan ang Diyos. Ano ang layunin nito sa paninira sa Diyos? Para mapaniwala ang mga tao na anak sa labas si Jesus, makita itong kahiya-hiya, at sa ganoon ay hindi sila maniwala sa Kanya. Iniisip ni Satanas, “Kung walang pananampalataya sa Iyo ang mga tao, hindi Mo magagawang tapusin ang Iyong gawain, hindi ba? Sa realidad, ang katotohanan ay palaging magiging katotohanan. Kahit tinanggihan ito ng buong sangkatauhan noong panahong iyon, makalipas ang dalawang libong taon, ang Panginoong Jesus sa huli ay may mga tagasunod at mga tao na pumupuri sa Kanya sa buong mundo, prominenteng ipinakikita ang krus sa lahat ng dako, at nabigo si Satanas. Nagtagumpay ba ang pahayag ni Satanas? (Hindi, hindi ito nagtagumpay.) Samakatuwid, hindi ito ang katotohanan; hindi ito nagtagumpay at walang silbi ang paninira sa Kanya. Umaayon man ang bagay na ito na ginawa ng Diyos sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, o salungat man ito sa tradisyonal na kultura, mga kasabihan, o moral na etika ng sangkatauhan, walang pakialam ang Diyos. Bakit walang pakialam ang Diyos? Saan ito may kinalaman? Dahil pinanghahawakan ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, masisira ba ng mga mala-demonyong salita na ito ni Satanas ang gawain ng Diyos? Hindi mo ito nauunawaan, hindi ba? (Hindi.) Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t nasa kamay ng Diyos ang lahat? (Oo.) Masisira ba ng mala-demonyong pahayag ni Satanas, ang ilang salita lang na iyon, ang plano ng pamamahala ng Diyos? Posible ba iyon? (Hindi, hindi ito posible.) Gustong magtagumpay ni Satanas, pero magagawa ba nito ito? Ang katotohanan ay palaging magiging ang katotohanan. Ito ang kapangyarihan ng katotohanan. Ang kapangyarihan ng katotohanan ay isang bagay na walang sinuman—kabilang si Satanas—ang makapagbabago. Kahit ngayon, patuloy na pinapalaganap ni Satanas ang pahayag na iyon. Gumagana ba ito? Hindi, hindi ito gumagana. Tapos na ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; naipalaganap na ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus sa mga dulo ng mundo at ang bagong gawain ng paghatol sa mga huling araw ay isinasagawa na sa loob ng maraming taon. Matagal nang nabigo at napahiya si Satanas. Kaya, may silbi pa ba ngayon para magalit at mainis si Satanas? Wala, walang silbi. Samakatwid, anuman ang pananaw, o gaano kataas ang antas ng kaalaman, o ang bilang ng mga tao kung kanino ginamit o ipinalaganap ang pananaw, walang silbi ang lahat ng ito; hindi ito magtatagumpay. Hindi mapipigilan ang gawain ng Diyos; kahit si Satanas ay hindi ito mapipigilan. Talaga bang iniisip ng ilang hamak na tao na mapipigilan nila ang gawain ng Diyos? Delusyonal iyon! Marami sa inyo ay lumaki sa ganitong mga tsismis, tinatanggap ang mga mapanlinlang na pananaw ni Satanas; puno ang inyong ulo ng mga bagay tulad ng lohika, mga pilosopiya, kaalaman, at siyensya ni Satanas. At anong nangyari pagkatapos? Nang dumating sa inyo ang mga salita ng Diyos, narinig pa rin ninyo ang tinig ng Diyos at bumalik sa harapan ng Diyos. Walang silbi ang mga tsismis at mala-demonyong salita ni Satanas. Hindi napigilan ng mga ito kahit kaunti ang pagsulong ng gawain ng Diyos. Nagsimulang tanggapin ng mga hinirang na tao ng Diyos sa lahat ng bansa ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Araw-araw, kumakain at umiinom sila ng mga salita ng Diyos, nakikinig sa mga sermon at nagbabahaginan. Ginagawa nila ang mga tungkulin nila sa Diyos at nagpapatotoo sa Kanya. Pinag-iisipan ito ni Satanas, sinasabi, “Bakit hindi gumagana ang marami kong mapanlinlang na salita? Napakaraming bagay ang ginawa ko para sugpuin, arestuhin, at abusuhin ang mga hinirang na tao ng Diyos, bakit wala man lang epekto ang mga ito? Bakit sa halip ay dumarami ang mga mananampalataya ng Diyos?” Pagkatapos ay nalalaman nito sa puso nito na tunay na makapangyarihan ang Diyos, na pagkatapos nito ay lubusan siyang napapahiya—kaya ang kasabihang: “Laging magagapi si Satanas sa mga kamay ng Diyos.” Isa ba itong katunayan? (Oo.) Tunay na ang mga salita ng Diyos ang makatutupad ng lahat! Nagseserbisyo si Satanas at ang lahat ng diyablong hari sa Diyos. Sa mga kamay ng Diyos sila ay mga bagay sa pagseserbisyo at mga hambingan. May kinalaman ba sa atin ang mga bagay sa pagseserbisyo at mga hambingang ito? (Wala.) Wala, walang kinalaman sa atin ang mga bagay na ito. Kailangan lang nating pagtuunan ang pananalig sa Diyos, wala tayong kinalaman sa kanila. Hari man sila o tulisan, sila ay kay Satanas at lilipulin sila. Kailangan lang nating sundin ang Diyos nang buong puso, magpakailanmang ipagkakanulo si Satanas, at sumasama lang sa Diyos. Ito ang tamang gawin.

Nagbigay ako ng isang halimbawa ng kaalaman at karanasan, kaya dapat mong maunawaan ang mga bagay na ito nang medyo mas tumpak ngayon. Ano ang layunin ng pagbabahaginan tungkol sa mga bagay na ito? Sa isang banda, ito ay para bigyang-kakayahan kayong gamitin ang mga katunayan at halimbawang ito para makilatis ang mga anticristo, at makilala rin ang aspektong ito ng disposisyon ng mga anticristo sa inyong sarili. Sa isa pang banda, hindi ba’t mapipigilan ng ganitong uri ng talakayan ang ilang tao na kumilos nang walang ingat? (Oo.) Sa nakalipas, mahilig umasa ang mga partikular na tao sa karanasan at mga makalumang paraan sa pagganap ng kanilang tungkulin, at kumapit sila sa mga sarili nilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, kaya nagambala at nagulo nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at dahil dito ay hinarap sila. Pinahalagahan nila higit sa lahat ang mga luma nilang gawi at karanasan, hindi kailanman isinasaalang-alang ang pinakamahahalagang bagay: kung ano ang sinabi o hiningi ng Diyos sa mga tao, o kung paano sumunod sa katotohanang prinsipyo. Matigas din ang ulo nilang kumapit sa mga luma nilang gawi, at dagdag pa rito ay gumamit ng isang walang katuturang lohika bilang batayan para dito: “Palagi na natin itong ginagawa sa ganitong paraan,” “Palagi itong ginagawa nang ganito kung saan kami nagmula. Ganito ito ginawa ng aming mga ninuno.” Bakit palagi nilang binigyang-diin ang mga bagay na ganito? Pinatunayan nito na hindi nila tinanggap ang mga bagong bagay; na hindi nila tinanggap ang katotohanan. Hindi nila makita ang pagiging mahina, atrasado, at katawa-tawa ng mga makalumang paraang ito. Hindi nila alam na may mga bagong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, mga paraan na mas makabago, mas tumpak, at mas angkop. Palagi silang nananatili sa mga makaluma nilang paraan, sumasandig sa luma nilang karanasan, iniisip na medyo makabago sila; na nagsasagawa sila ng katotohanan. Hindi ba’t mga kakatwang uri ito? “Ganito palagi ito ginagawa kung saan kami nagmula,” “Sa paraang ginawa ko noon,” “Ganito namin ito palaging ginagawa”—mapapalitan ba ng mga lumang paraan, ng mga sinaunang bagay na ito ang mga katotohanang prinsipyo? Ang paggawa ba ng mga bagay-bagay sa makalumang paraan ay nangangahulugan na ang isang tao ay nagsasagawa ng katotohanan? Walang nauunawaan ang mga taong iyon, ni wala silang nauunawaan sa anumang bagay. Hindi ba’t sila ay matatandang makalumang tao na kumakapit sa mga dating gawi at matitigas ang ulo? Napakahirap ba para sa mga taong tulad nito na tanggapin ang katotohanan! Sabihin mo sa Akin, bago o luma man ang isang bagay, paano mo ito haharapin? Paano mo ito pangangasiwaan? Ano ang iyong batayan sa pangangasiwa nito? Kung ang bawat isa ay may limitadong kaalaman lang tungkol sa isang bagay, paano mo ito haharapin sa paraang tama at naaayon sa mga prinsipyo? Dapat mo munang tanungin ang isang taong may kaugnay na kadalubhasaan sa larangang ito. Hangga’t nakakahanap ka ng isang maalam na tao, magkakaroon ka ng isang landas. Kung hindi ka makahanap ng isang maalam na tao, ganap mong malulutas ang isyu sa pagpunta online para humingi ng payo o maghanap ng impormasyon. At habang naghahanap ka, kailangan mo pa ring magdasal sa Diyos at sumangguni sa Kanya; hayaan ang Diyos na magbukas ng isang daan pasulong. Ano ang tawag natin dito? Tinatawag natin itong mga prinsipyo ng pagsasagawa. Iniisip ng ilan sa inyo, “Ako ay isang propesyonal sa larangang ito na may mayamang karanasan. Nakatanggap pa nga ako ng mga parangal para sa paggawa nito, kaya mayroon ako ng puhunang ito. Dahil ipinagkatiwala sa akin ang gawaing ito, ako ang tagapamahala. Mayroon akong awtoridad na gumawa ng mga desisyon at ako ang bahala sa lahat. Ang lahat ay dapat sumunod sa mga utos ko at sumunod sa akin. Hindi mahalaga ang sinasabi ng iba pa at dapat manahimik ang sinumang hindi sumasang-ayon sa akin!” Tama ba ang ganitong pag-iisip? Tiyak na hindi ito tama. May problema ang iyong saloobin at ang disposisyon na iyong ibinubunyag. Sa iyong puso, iniisip mo na ang pagtanggap sa atas na ito ay nagbibigay sa iyo ng karapatan na gumamit ng kapangyarihan. Gusto mong ikaw ang magdedesisyon at walang sinuman ang pinapayagang magsalita. Para bang hindi mo kailangan ng kapareha sa trabaho, o para sa lahat na magpahayag ng kanilang mga opinyon; ang lahat ay nangyayari ayon sa sinasabi mo, ikaw ang bahala sa lahat. Anong uri ng disposisyon ito? Hindi ba’t ito ay masyadong mapagmataas at walang katwiran? Ito ang disposisyon ng isang anticristo. Maaaring bahagyang mas mahusay ang kakayahan mo kaysa sa iba, maaaring mayroon kang kaunting pagkaunawa, at kaunting karanasan sa usaping ito. Gayunpaman, may isang bagay na kailangang maging malinaw sa iyo: Wala sa mga bagay na ito na taglay mo ang katotohanan. Kung naniniwala ka na ikaw ay medyo may mas mahusay na kakayahan, na may kaunting pagkaunawa, kaunting talento, at nagtataglay ng kaunting kaalaman, at itinuturing mo ang mga bagay na ito bilang katotohanan, at naniniwala na ang iyong sarili ay ang katotohanan, at iniisip na dapat sundin ng lahat ang iyong mga utos at sundin ang iyong mga pagsasaayos, hindi ba’t disposisyon ito ng isang anticristo? Kung tunay mong ginagawa ang mga bagay sa ganitong paraan, ikaw ay walang iba kundi isang anticristo. Ano ang mali sa pagtrato mo sa iyong mga kaloob bilang ang katotohanan? Hindi mali ang mga taglay mong kakayahan, pagkaunawa, mga talento, at kaalaman. Kaya ano ang hinihimay natin dito? Ang hinihimay natin dito ay ang iyong disposisyon—isang tiwaling disposisyon na dinadala mo sa likod ng mga bagay na ito; isang mapagmataas na disposisyon, isang nagmamagaling na disposisyon. Kapag tinatrato mo ang iyong mga kaloob bilang katotohanan, naniniwala kang nasa iyo ang katotohanan dahil taglay mo ang mga kaloob na ito. Pinapalitan mo ang katotohanan ng gayong mga kaloob, kaya anong uri ng disposisyon ito? Hindi ba’t ito ang disposisyon ng isang anticristo? Tinatrato ng lahat ng mga anticristo ang mga sarili nilang kaisipan, sarili nilang pagkatuto, mga kaloob, at mga talento bilang ang katotohanan. Iniisip nila na sa pagtataglay ng mga kaloob na ito, tinataglay nila ang katotohanan. Kaya naman hinihingi nila sa iba na sundin sila, sundin ang kanilang mga utos, at sundin ang kanilang kapangyarihan. Dito nagkakamali ang mga anticristo. Tinataglay mo ba talaga ang katotohanan? Wala kang tunay na pang-unawa sa Diyos, ni wala kang isang may-takot-sa-Diyos na puso, lalong hindi ka isang tao na nagpapasakop sa Diyos, at hindi ka nagtataglay ng katotohanan kahit kaunti, pero mapagmataas, palalo, at mapagmagaling ka, iniisip na nagtataglay ka ng katotohanan, at na dapat kang sundin ng iba at sundin ang iyong mga utos. Ikaw ay isang tunay na anticristo.

Nakapaloob sa gawain ng pagpapalawak ng ebanghelyo ang iba’t ibang proyekto na nangangailangang mag-aral at matuto ang mga tao ng iba’t ibang kasanayan at propesyon; gayunpaman, hindi nauunawaan ng ilang tao ang layunin ng Diyos at madaling naliligaw. Pinag-aaralan lang nila ang propesyonal na kaalaman at mga kasanayan nang hindi tinatanggap ang kahit katiting na katotohanan. Anong uri ng tao ito? (Isang taong may disposisyon ng isang anticristo na tumutuon sa mga kaloob.) Tama. Ito ang uri ng tao na isinisiwalat natin; ang ganitong uri ng tao ay may disposisyon ng isang anticristo at, sa malalalang kaso, siya ay isang anticristo. Ninanais niyang gamitin ang pagkakataong ito para matutunan ang mga bagay na ito at pagkatapos ay maging pinakamahusay sa pinakamahusay sa lahat ng nakakaalam ng propesyon o kasanayang ito, para maging pinakamatalino at pinakabihasa sa larangang ito nang sa gayon ay sumandig sa kanya ang iba para sa lahat ng bagay, at makinig sa kanya sa halip na magsagawa ng katotohanan habang nangunguna siya sa grupong ito. Doon nakaugat ang problema. Anong uri ng mga tao ang ganito? Iyong mga naghahangad lang na mag-aral at magbigay sa sarili nila ng lahat ng uri ng kaalaman, pagkatuto, at karanasan; na sumasandig sa kanilang kakayahan, mga talento, at mga kaloob para gawin ang lahat. Hindi magtatagal, tatahakin nilang lahat ang gayong landas. Hindi ito maiiwasan. Ito ang landas ni Pablo. Anuman ang lugar o larangan na iyong ginagalawan, ang pagkakaroon ng medyo mas maraming kaalaman, karanasan, o mga aral na natutunan kaysa sa iba ay hindi sapat para ipakita na nauunawaan mo ang katotohanan o na nakapasok ka sa katotohanang realidad, at tiyak na hindi ito nangangahulugan na nakamit mo na ang katotohanan. Kaya, ano ang sapat na nakakapagpakita nito? Ang pagkakaroon ng mas mahusay na pang-unawa sa mga prinsipyo sa paggawa ng ganitong uri ng tungkulin, gayundin ang mga hinihinging pamantayan ng sambahayan ng Diyos para sa paggawa ng tungkuling ito habang pinag-aaralan ang mga propesyonal na kasanayang ito. May ilang tao na nagiging mas mapanlaban habang mas sinisikap mong matutunan nila ang propesyonal na kaalaman, at iniisip nilang imposibleng gawin ang kanilang tungkulin, sinasabi pa nga, “Ang pananalig sa Diyos ay dapat tungkol sa paglayo sa mundo ng mga walang pananampalataya, kaya bakit kailangan nating matutunan ang mga kasanayan at kaalaman ng mga walang pananampalataya?” Ayaw nilang matuto. Katamaran ito. Hindi sila nagtataglay ng isang responsableng saloobin sa kanilang trabaho, wala silang katapatan, at ayaw nilang mamuhunan ng anumang pagsisikap sa gayong bagay. Ang layunin ng pag-aaral ng propesyonal na kaalaman at kasanayan ay para magawa mo nang maayos ang iyong tungkulin. Maraming kaalaman at sentido komun ang hindi mo pa nakakatagpo na kailangan mong matutunan. Ito ang hinihingi at atas ng Diyos sa tao. Samakatuwid, hindi magiging walang kabuluhan ang pag-aaral ng mga bagay na ito; ang lahat ng ito ay para sa kapakanan ng paggawa mo ng iyong tungkulin nang maayos. Iniisip ng ilang tao na pagkatapos matutunan ang gayong mga kasanayan, magagawa nilang magkamit ng tiyak na lugar sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t ang ganitong paraan ng pag-iisip ay nangangahulugan ng problema? Mali ang pananaw na ito. Mayroon bang sinumang may kakayahang tumahak sa landas na ito? Mas malaki ang kapangyarihan, mas malaki ang saklaw ng gawain, mas malaki ang responsabilidad na ibinibigay sa ganitong uri ng tao, mas nasa panganib sila. Paano lumilitaw ang panganib na ito? Ito ay, siyempre, dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon, at disposisyon ng isang anticristo. Kapag gumagawa ng mga bagay-bagay, tumutuon lang sila sa kung paano gawin ang gawain at maging pabasta-basta. Hindi nila hinahanap ang mga prinsipyo. Hindi nila, sa pamamagitan ng proseso ng paggawa ng kanilang tungkulin, nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, ni hindi nila nauunawaan pa o naaarok pa ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi nila hinahanap ang mga prinsipyo, ni hindi nila sinusuri o sinisiyasat ang katiwaliang ibinubunyag nila, ang mga maling pananaw na lumilitaw sa kanila, o ang mga maling kalagayan na kinahulugan nila habang ginagawa ang kanilang tungkulin. Tumutuon lang sila sa mga panlabas na gawi, binibigyang-pansin lamang ang pagpapakadalubhasa at pagdudulot sa kanilang sarili ng iba’t ibang uri ng kaalaman na kinakailangan sa kanilang tungkulin. Naniniwala sila na, nasa anumang linya ng trabaho ang isang tao, ang kaalaman ang nangunguna sa lahat; na magiging malakas sila at maitatatag ang sarili nila sa isang grupo kung nagtataglay sila ng kaalaman; at na, anumang grupo ang kinabibilangan nila, ang mga may mataas na antas ng kaalaman at mas mataas na akademikong digri ay may mataas na katayuan. Halimbawa, sa isang ospital, ang direktor ng ospital sa pangkalahatan ay ang pinakamagaling sa lahat ng aspekto ng propesyon at nagtataglay ng pinakamalakas na mga teknikal na kasanayan, at iniisip ng gayong mga tao na ito rin ang kaso sa sambahayan ng Diyos. Tama ba ang ganitong paraan ng pag-unawa sa mga bagay-bagay? Hindi, hindi ito tama. Salungat ito sa kasabihang: “Ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos.” Pinaniniwalaan ng gayong mga tao na ang kaalaman ay naghahari sa sambahayan ng Diyos, na sinumang may kaalaman at karanasan, sinumang may sapat na senioridad at sapat na puhunan ay magtatagumpay sa sambahayan ng Diyos, at dapat makinig sa kanya ang lahat. Hindi ba’t mali ang pananaw na ito? Maaaring hindi sinasadya ng ilang tao na mag-isip at kumilos nang ganito; hinahangad nila ito, at baka isang araw ay makakatagpo sila ng isang balakid. Bakit marahil ay makakatagpo sila ng isang balakid? Mauunawaan ba ng isang taong hindi nagmamahal o naghahangad sa katotohanan, na lubusang binabalewala ang katotohanan, ang kanyang sarili? (Hindi.) At kahit na hindi niya nauunawaan ang sarili niya, sinangkapan niya ang sarili niya ng maraming kaalaman, nagbayad ng ilang halaga para sa sambahayan ng Diyos at gumawa ng ilang kontribusyon—ano ang ginawa niya sa mga ito? Ginawa niyang puhunan ang mga ito. At para sa kanya, ano ang puhunang ito? Ito ay isang talaan ng kanyang pagsasagawa ng katotohanan, katibayan ng kanyang pagpasok sa katotohanang realidad at pag-unawa sa katotohanan. Ito ang ginawa niya sa mga bagay na ito. Sa puso ng bawat indibidwal, ang pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad ay itinuturing na isang mabuti at positibong bagay. Siyempre, totoo rin ito sa paningin ng ganitong uri ng tao. Bagaman, sa kasawiang-palad ay napagkamalan niyang katotohanan ang kaalaman. Gayunpaman, maganda pa rin ang pakiramdam niya sa pagkakamaling ito. Tanda ito ng panganib. Anong uri ng tao ang kikilos nang ganito? Ang lahat ng taong walang espirituwal na pang-unawa ay kikilos nang ganito, hindi namamalayang tumatahak sa maling landas. At sa sandaling naroon na sila, hindi mo na sila mahihila pabalik. Kung makikipagbahaginan ka sa kanila tungkol sa katotohanan, tutukuyin ang kanilang mga kalagayan, at ilalantad sila, hindi nila mauunawaan, hindi nila maiuugnay ito sa kanilang sarili. Ito ay isang seryosong kawalan ng espirituwal na pang-unawa. Likas na tinatrato ng gayong tao ang kanyang kaalaman, karanasan, at mga aral bilang katotohanan. At sa sandaling tanggapin niya ang mga bagay na ito bilang katotohanan, isang partikular na sitwasyon ang lilitaw kalaunan. Hindi ito maiiwasan. Ipagpalagay na nagsasabi ang Diyos ng isang bagay at ang ganitong uri ng tao ay nagsasabi ng isa pang bagay—tiyak na magkaiba ang kanilang mga perspektiba. Kung gayon, kaninong perspektiba ang ituturing na tama ng ganitong uri ng tao? Paniniwalaan niyang tama ang sarili niyang perspektiba. Kung ganoon, makakapagpasakop ba siya sa Diyos? (Hindi.) Ano ang gagawin niya? Kakapit siya sa sarili niyang perspektiba at itatanggi ang sinabi ng Diyos. Sa paggawa nito, hindi ba’t tinatrato niya ang sarili niya bilang pagsasakatawan ng katotohanan? (Oo.) Iniisip nila na, tulad ng isang Budista, sa wakas ay nakamit na nila ang tagumpay sa kanang sariling paglilinang; habang itinatanggi niya ang Diyos, pinatatrato niya ang sarili niya sa iba bilang Diyos, at iniisip na siya ay naging pagsasakatawan ng katotohanan. Napakakakatwa niyan! Halimbawa, sabihin na ang isang tao ay partikular na bihasa sa isang partikular na larangan ng kaalaman o linya ng gawain. Bilang isang karaniwang tao sa larangang ito, tinatanong Ko siya ng mga katanungang may kaugnayan sa larangang ito, pero kapag ginagawa Ko ito, nagsisimula siyang magyabang. Anong uri ng tao ito? Sabihin mo sa Akin, mali bang magtanong Ako sa kanila? (Hindi.) Kung gayon, bakit Ako nagtatanong sa kanila? Dahil ang ilang usapin ay may kaugnayan sa trabaho at mga propesyon, at dahil hindi Ko nauunawaan ang mga ito, dapat Akong magtanong sa iba. Higit pa rito, alam Kong mayroon siyang karanasan at nauunawaan niya ang mga bagay na ito. Talagang tama para sa Akin na magtanong sa kanya. Tama ba ang Aking layunin at diskarte? (Oo.) Wala namang dapat na anumang masama rito, hindi ba? Kung gayon, ano ang tamang paraan kung paano dapat tratuhin ng taong iyon ang usaping ito? Dapat nilang sabihin sa Akin ang lahat ng nauunawaan nila. At pagkatapos, paano nila dapat isipin ito? Ano ang tamang paraan para pag-isipan ito? Ano ang maling paraan? Paano ito iisipin ng isang normal at makatwirang tao? Paano ito iisipin ng isang taong may disposisyon ng isang anticristo? Ang ilang tao, nang marinig na hindi Ako nakauunawa, ay nagsasabi na, “O, hindi Mo nauunawaan! Hindi Mo alam kung gaano kahirap para sa amin na gawin ito! Hindi Mo ito alam at hindi Mo ito nauunawaan!” Habang nagsasalita sila, nagsisimula silang magyabang. At ano ang ipinahihiwatig ng pagyayabang na ito? Na may problema. Kadalasang napakapino at napakabanal ng mga taong ito, pero bakit bigla silang nagsisimulang magyabang? (Itinuturing nila ang sarili nila bilang ang katotohanan dahil nakauunawa sila ng kaunting kaalaman at mayroon silang kaunting karanasan.) Tama iyan. Dati, kapag tinatanong sila ng iba, hindi nila iniisip na malaking bagay ito. Pero kapag tinatanong Ko sila, iniisip nila, “Hindi ba’t Ikaw ang katotohanan? Hindi ba’t dapat nauunawaan Mo ang lahat? Paanong hindi Mo nauunawaan ang gayong usapin? Kung hindi Mo ito nauunawaan, kung gayon ay mas mataas ako sa Iyo.” Gusto nilang magyabang nang kaunti. Hindi ba’t ito ang iniisip nila? (Oo.) Hindi sila nakakaramdam ng karangalan, sa halip ay lumalabas sa kanila ang isang uri ng satanikong disposisyon. Bigla nilang nararamdaman na napakamakapangyarihan nila sa pagitan ng lupa at ng langit kung tutuusin! Hindi ba’t ito ay isang maling akala? Hindi ba’t hangal ang mga ito? (Oo.) Sa tingin Ko rin. Isang hangal lang ang mag-iisip nang ganito. Hindi ba’t nakakaunawa lang sila nang kaunti tungkol sa larangang ito? Maraming bagay ang hindi alam ng mga tao; dapat magkaroon sila ng kaunting kamalayan sa sarili. Ang ilang tao ay may kaunting kaalaman tungkol sa mga tela at halos kaya nilang sabihin ang uri ng materyal sa paghipo lang dito. Kung pupurihin mo sila sa pagsasabing, “Mukhang alam mo ang mga tela,” sasagot sila: “Tama iyan. Hindi ninyo ito malalaman dahil hindi pa ninyo natutunan ang tungkol dito. Napag-aralan ko ang tungkol dito, mas eksperto ako tungkol dito kaysa sa inyo. Hindi kita minamaliit, kailangan mo lang talagang mag-aral pa.” Hindi ba’t medyo nakayayamot ito? Pagkatapos ay may mga taong nagluluto nang kaunti at nagsisimulang magyabang ng tungkol sa kung gaano karaming putahe ang kaya nilang ihanda at kung gaano karaming pagkain ang kaya nilang lutuin. Ang ilang tao ay sandaling nagtrabaho bilang mga nakayapak na doktor sa kanayunan. Kapag nagkaroon ng bahagyang karamdaman ang kapatid nila at humiling ng masahe mula sa kanila o na magsagawa sila ng acupuncture o cupping para sa mga ito, at nagtanong ang mga ito kung mapapagaling ba sila nito, tumutugon sila ng: “Sa palagay mo ba napakadali nitong gamutin? Hindi ninyo nauunawaan. Alam naming lahat na nasa medikal na propesyon na komplikado ang katawan ng tao. May mga misteryo sa paglikha ng Diyos sa tao. Kaya, depende sa mga sitwasyon kung magagamit ang acupuncture o cupping.” Sa realidad, sila man ay napakakaunti lang din ng nalalaman. Hindi nila magawang maipaliwanag nang malinaw ang anumang kondisyong medikal o magamot ang maraming sakit. Gayunpaman, alang-alang sa kanilang dignidad, nagmamataas pa rin sila, nagkukunwari, at umaasta na parang eksperto. Ang mga pagpapamalas ng iba’t ibang uri ng mga tao na ito ay nagpapakita na may disposisyon ni Satanas at disposisyon ng isang anticristo ang lahat ng tiwaling tao. Gayunpaman, may mga mas seryoso pa ngang kaso kung saan ang mga tao ay nagbabalat-kayo at nagpapanggap hanggang sa huli. Pinupuri man sila ng iba, nagkikimkim sila ng isang madilim na pag-iisip sa kaibuturan nila. Ano ang kaisipang ito? “Hinding-hindi ko ipapaalam sa sinuman ang aking tunay na pagkakakilanlan at ang aking tunay na mga kakayahan.” Halimbawa, kung isa lamang silang nakayapak na doktor, palagi nilang sinisikap na magbigay ng impresyon sa iba na isa silang kilalang doktor, hindi kailanman ginugustong malaman ninuman na sila ay isang nakayapak na doktor, o kung nakakagamot ba talaga sila ng mga sakit o hindi. Natatakot silang malaman ng ibang tao ang tunay na kalikasan ng kanilang sitwasyon. At hanggang saan nila kinukubli ang kanilang sarili? Hanggang sa punto na iniisip ng lahat ng nakakasalamuha nila na hindi sila kailanman nagkakamali at wala silang anumang pagkukulang; na bihasa sila sa lahat ng kanilang natutunan at kayang gawin ang anumang bagay na kailangan ng iba. Kung tatanungin sila ng iba kung marunong silang magluto o hindi, sasabihin nilang kaya nila. Kapag tinanong kung kaya nilang maghanda ng isang salu-salong Manchu-Han, kahit iniisip nila sa sarili nilang, “Hindi ko kayang gawin iyon,” sasagot sila ng, “Oo!” kapag tinanong pa. Pero, kapag sinabihang gawin ito, magdadahilan sila para makatanggi. Hindi ba’t panlilinlang ito? Nagpapanggap silang alam ang lahat ng bagay, na kaya nilang gawin ang lahat, na kaya nilang gawin ang anumang bagay—hindi ba’t hangal sila? Pero hangal man sila o may kaunting kakayahan, ilang abilidad, o mga kaloob, ano ang isang bagay na karaniwan sa mga anticristo? Ito ay ang kanilang pagnanais na magpanggap na nauunawaan nila ang lahat ng bagay, na magpanggap na sila ang katotohanan. Kahit na hindi nila direktang sinasabing sila ang katotohanan, gusto nilang nagpapanggap na sila ang realidad ng lahat ng positibong bagay, na kaya nilang gawin ang lahat. Hindi ba’t ang implikasyon, kung ganoon, ay na sila ang pagsasakatawan ng katotohanan? Naniniwala sila na sila ang sagisag ng katotohanan, na lahat ng sinasabi nila ay tama, na ito ang katotohanan.

May ilang tao na inatasan ng isang espesyal na gawain ng Itaas. Nang malaman nila ito, inisip nila sa sarili nila na: “Ang gawaing ito ay ipinagkatiwala sa akin ng Itaas, samakatuwid ay mas lumaki ang aking kapangyarihan. Magkakaroon na ako ngayon ng pagkakataong ipakita ang aking mga talento at kapangyarihan. Ipapakita ko sa mga nasa ibaba kung gaano ako kakila-kilabot.” Kapag nakikipag-ugnayan sa mga kapatid, inuutusan nila ang mga ito, sinasabi na: “Humayo kayo at gawin ito!” Kapag tinanong kung paano ito gagawin, sinasabi nila: “Gagawin mo ba ito o hindi? Kung hindi, didisiplinahin ko kayo! Utos ito mula sa Itaas. Kakayanin mo bang salungatin sila sa pag-aantala nito? Kapag naghahanap ang Itaas ng pananagutan, sino ang makakayang umako ng responsabilidad na ito?” Tumutugon ang mga kapatid: “Gusto lang namin itong malaman at maghanap ng mga prinsipyo sa paggawa nito, sa halip na gawin ito nang pabasta-basta at gamitin ang anumang paraan na sa tingin namin ay angkop. Dapat gawin ang lahat nang naaayon sa mga prinsipyo. Anuman ang usapin, o kung gaano man ito kaagaran o ka-importante; sino man ang nagkakatiwala nito, ang pagsunod sa mga prinsipyo ay isang hindi nababagong katotohanan. Ito ang aming tungkulin at dapat kaming maging responsable. Ang paghahanap sa mga prinsipyo ang hinihingi ng Diyos sa amin. Naghahanap at nanghihingi kami ng paglilinaw nang may responsableng saloobin. Walang mali rito. Kailangan mong linawin ang usaping ito para sa amin.” Pero, tumutugon sila ng: “Ano ang kailangang sabihin tungkol sa usaping ito? Puwede bang maging mali ang sinabi ng Itaas? Bilisan mo at tapusin mo na ito!” Na tinutugunan ng mga kapatid ng: “Dahil sinabi ng Itaas, tiyak na gagawin namin ito agad. Pero puwede mo bang sabihin sa amin nang malinaw kung paano ito dapat gawin? Mayroon bang anumang partikular na alituntunin o tagubilin?” Sinasabi nilang: “Gawin ninyo ang sa tingin ninyong nararapat. Ang mga tagubilin mula sa Itaas ay hindi gaanong detalyado. Alamin ninyo ito sa sarili ninyo!” Anong uri ng tao ito? Kalimutan muna natin ang tungkol sa kanyang motibo o ugat na dahilan sa paggawa nito; sa halip, suriin muna natin ang kanyang disposisyon. Mabuti ba ang diskarte niyang ito? (Hindi.) Paano siya nakaisip ng gayong diskarte? Normal na diskarte ba ito? (Hindi, hindi ito normal.) Hindi ito normal. Problema ba ito sa kanyang mental na kalagayan o sa kanyang disposisyon? (Isang problema sa kanyang disposisyon.) Tama iyan, problematiko ang disposisyon niya. May isang pagpapahayag na tinatawag na “naghihintay ng tamang pagkakataon.” Nangangahulugan ito na sa nakalipas, hindi sila nagkaroon ng tamang pagkakataon na buuin ang kapangyarihan nila; pero, ngayong dumating na ang ganitong pagkakataon, sasamantalahin nila ito at gagamiting dahilan para kumilos. Anong uri ng disposisyon ito? Anuman ang tungkulin na natanggap mo mula sa Itaas, hindi magbabago ang mga prinsipyo ng mga pagkilos mo. Kapag ipinagkatiwala sa iyo ng Itaas ang isang trabaho o gawain, ito ay isang atas lang na ipinagkatiwala sa iyo. Tungkulin mo ring gawin ito. Gayunpaman, pagkatapos tanggapin ang atas mula sa Itaas at kunin ang trabaho, masasabi mo bang ikaw ay isang embahador na may buong kapangyarihan at eksperto sa katotohanan? May awtoridad ka bang utusan ang iba at gawin ang gusto mo? Pinapayagan ka bang sundin lang ang iyong mga sariling hilig, kumikilos ayon sa gusto mo alinsunod sa mga sarili mong kagustuhan at sa sarili mong paraan? Mayroon bang anumang pagkakaiba sa pagitan ng direktang pagkakatiwala sa iyo ng Itaas na gawin ang isang bagay at paggawa ng iyong karaniwang tungkulin gaya ng karaniwan mong ginagawa? Walang pagkakaiba; parehong tungkulin mo ang mga ito. Dahil parehong tungkulin mo ang mga ito, nagbago ba ang mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay? Hindi, hindi nagbago. Samakatuwid, saan mo man tinanggap ang iyong tungkulin, pareho pa rin ang diwa at kalikasan ng iyong tungkulin. Ano ang ibig kong sabihin dito? Ibig sabihin nito na dapat kang kumilos ayon sa mga prinsipyo anuman ang tungkulin na iyong ginagawa. Hindi ibig sabihin na dahil lang direktang ipinagkatiwala sa iyo ng Itaas na gawin ang isang bagay, magagawa mo ito sa anumang paraan mo gustuhin, at na ang anumang gagawin mo ay magiging tama at makatwiran. Kahit na may ilan kang abilidad, puwede ka bang lumihis sa landas ng paghahanap ng mga katotohanang prinsipyo? Isa ka pa ring tiwaling tao. Hindi ka naging Diyos; wala ka sa isang espesyal na grupo. Ikaw ay ikaw pa rin at ikaw ay palaging magiging tao. Sa Bibliya, maraming tao ang personal na tinawag ng Diyos: Moises, Noe, Abraham, Job at marami pang iba. Marami ring tao ang nakausap ng Diyos; gayunpaman, wala ni isa sa mga taong ito ang naniwala na sila ay isang espesyal na tao o isang miyembro ng isang espesyal na grupo. Sa mga taong ito, personal na nakita ng ilan na nagpakita ang Diyos sa ningas ng apoy, narinig ng iba ang pananalita ng Diyos sa mga sarili nilang tainga, narinig ng ilan ang mga mensahero na naghatid ng mga salita ng Diyos, habang ang iba rin ay personal na tumanggap ng mga pagsubok ng Diyos. At mayroon bang sinuman sa kanila na itinuring ng Diyos na iba sa mga ordinaryong tao? (Wala.) Wala. Hindi ito ganoon nakikita ng Diyos. Pero kung ganoon mo ito nauunawaan at palaging tinitingnan ang iyong sarili bilang isang espesyal na tao, anong uri ng disposisyon mayroon ka? (Ang disposisyon ng isang anticristo.) Talagang ito ay ang disposisyon ng isang anticristo, na nakakatakot! Kahit pa ipinatong ng Diyos ang Kanyang mga kamay sa iyong ulo at pinagkalooban ka ng kapangyarihang gumawa ng mga himala o tumupad ng ilang gawain na sinusuportahan ng banal na kapangyarihan, palagi ka pa ring mananatiling tao; hindi ka magiging pagsasakatawan ng katotohanan. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito na hindi ka kailanman magiging karapat-dapat na gamitin ang pangalan ng Diyos para sumalungat sa katotohanan at kumilos nang naaayon sa gusto mo, iyon ang pag-uugali ng arkanghel. Kung minsan, gumagamit ang Diyos ng mga espesyal na pamamaraan o mga espesyal na daluyan para ipagkatiwala sa mga partikular na tao na gumawa ng mga espesyal na bagay, na tumupad ng espesyal na gawain, o na maghatid ng mga espesyal na pangyayari o atas. Ito ay dahil naniniwala ang Diyos na may kakayahan ang mga taong ito na gawin ang gayong gawain, na makukumpleto nila ang gawaing ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, na karapat-dapat sila sa pagtitiwala ng Diyos—at wala nang iba pa. Kahit na personal silang inatasan mismo ng Diyos, narinig ang mga pagbigkas mula sa bibig ng Diyos, o nakipag-usap sa Diyos, hindi sila magiging iba sa isang ordinaryong tao; ni hindi sila itataas mula sa pagiging isang karaniwang nilikha tungo sa isang natatangi o mas mataas na nilikha. Hindi iyon kailanman mangyayari. Samakatuwid, sa gitna ng sangkatauhan, sa sambahayan ng Diyos, gaano man ka-espesyal ang ilang bagay tulad ng mga talento, pagkakakilanlan, katayuan, karanasan, o mga aral ng isang tao, hindi sila mababago para maging pagsasakatawan ng katotohanan. Kung ang isang tao ay walang pakundangang nagpapanggap na gayon, walang pag-aalinlangang isang anticristo ang taong iyon. Kahit na paminsan-minsan ay ibinubunyag ng ilang tao ang gayong disposisyon, puwede pa rin nilang tanggapin ang katotohanan at magsisi. Ang gayong mga tao ay may disposisyon ng isang anticristo at tumatahak sa landas ng isang anticristo; may pag-asa pa rin silang mailigtas. Gayunpaman, kung ang isang tao ay patuloy na nagpapanggap na pagsasakatawan ng katotohanan, patuloy na naniniwalang tama siya, at tumatangging magsisi, tunay siyang anticristo. Ang sinumang anticristo ay hindi tatanggap ng kahit katiting na katotohanan. Kahit ibinunyag at itiniwalag siya, hindi pa rin niya makikilala ang sarili niya; at hindi rin siya tunay na makapagsisisi. Ang ilang lider at manggagawa ay mayroon lamang disposisyon ng isang anticristo. Ang mga prinsipyo nila sa pagkilos at ang mga landas na pinipili nila ay kapareho nang sa isang anticristo. Wala rin silang pagkamakatwiran at hindi nauunawaan ang katotohanan, ni hindi nila alam ang kalikasan at mga kahihinatnan ng kanilang mga pagkilos. Kumikilos din sila nang walang ingat. Gayunpaman, ang pinagkaiba nila ay na kaya pa ring tanggapin ng ilan sa kanila ang mga sinasabi Ko. Kaya pa rin silang udyukan ng mga salita Ko at magsilbing babala sa kanila. Kahit na may disposisyon sila ng isang anticristo, kaya pa rin nilang tumanggap ng ilang katotohanan; kaya nilang tumanggap ng kaunting pagpupungos, kaya nilang tunay na magsisi at magbalik-loob kahit papaano. Ito ang nagpapaiba sa kanila sa mga anticristo. Ito ang mga taong mayroon lang disposisyon ng isang anticristo. May pagkakatulad sa pagitan ng pagkakaroon ng kalikasang diwa ng isang anticristo at ng pagkakaroon ng disposisyon ng isang anticristo. Magkapareho talaga ang mga ito, na may parehong katangian sa pagitan ng isang anticristo at ng isang taong may disposisyon ng isang anticristo dahil pareho silang may disposisyon ng isang anticristo. Gayunpaman, kaya ng ilan sa mga taong ito ang tumanggap ng katotohanan at magpakita ng tunay na pagsisisi. Ang gayong tao ay hindi isang anticristo, kundi isang tao na may disposisyon ng isang anticristo. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng isang anticristo at ng mga may disposisyon ng isang anticristo. Ang sinumang hindi kayang tumanggap ng kahit katiting na katotohanan at walang tunay na pagsisisi ay isang tunay na anticristo. Ang sinumang kayang tumanggap ng katotohanan at may tunay na pagsisisi ay isang tao na may disposisyon ng isang anticristo at puwedeng maligtas. Dapat magawa nating malinaw na makilatis ang dalawang uri ng mga taong ito at hindi gumawa ng mga walang batayang paghuhusga. Aling uri kayo? Puwedeng sabihin ng ilang tao na, “Bakit pakiramdam ko ay kapareho ako ng isang anticristo? Parang walang anumang pinagkaiba.” Tumpak ang pakiramdam na ito, walang malinaw na pagkakaiba. Kung matatanggap mo ang katotohanan at makapagpapakita ng tunay na pagsisisi, iyon lang ang pagkakaiba; ito rin ay isang pagkakaiba pagdating sa pagkatao. Ibig sabihin, ang anticristo ay isang masamang tao. Ang tao na may disposisyon ng isang anticristo, sa kabilang banda, ay hindi isang masamang tao; may tiwaling disposisyon lang siya. Iyon lang ang pagkakaiba. Walang pagkakaiba sa kanilang mga tiwaling disposisyon, pare-pareho sila sa bagay na ito, ito ay isang pagkakatulad na tinataglay nilang lahat. Ang iba’t ibang kondisyon ng tiwaling sangkatauhan na inilantad ng mga salita ng Diyos ay ganap na tumpak at hindi lumilihis kahit kaunti sa katotohanan. Kapag binabasa ng hinirang na mga tao ng Diyos ang mga salita ng Diyos, pareho ang nararamdaman nilang lahat; pare-pareho silang lahat ng pang-unawa, nagkakaiba lang sa lalim ng kanilang mga karanasan. Kinikilala nilang lahat ang sarili nilang kayabangan at kawalan ng katwiran. Nagagawa nilang lahat na mapagtanto na mayroon silang napakaraming tiwaling disposisyon, na napakalalim ng pagkagawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan, at na hindi madali para sa Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Kahit napakarami na nang nasabi, marami pa ring masasabi. Kinikilala nilang lahat na mahirap at kaawa-awa, bulag at mangmang ang sangkatauhan. Alam nilang lahat na si Satanas ang gumawang labis na tiwali sa sangkatauhan, na ang ugat ng katiwalian at kabuktutan ng sangkatauhan ay nakasalalay sa katiwalian at pagkontrol ni Satanas sa sangkatauhan. Pagkatapos gawing tiwali ni Satanas, nadungisan ang sangkatauhan ng lason ni Satanas, sa ganoon ay nabuo ang disposisyon ni Satanas at nawala ang pagkamakatwiran, konsensiya, at katwiran ng mga normal na tao. Nawalan ng kakayahan ang mga tao na makilala ang tama at mali. Kung hindi nagtatag ng mga batas ang Diyos para sa sangkatauhan, hindi malalaman ng mga tao kung tama o mali ang manakit o pumatay ng tao; o magnakaw o maging walang pamantayan sa pagpili. Maniniwala sila na ang kanilang mga pagkilos ay makatwiran at na dapat silang kumilos sa ganoong paraan. Gayunpaman, pagkatapos na magpahayag ang Diyos ng mga batas at kautusan, nalaman ng mga tao na ang paggawa ng mga bagay na ito ay isang kasalanan; naging medyo normal ang kanilang pagkamakatwiran. Siyempre, ito lang ang pinakamababaw na antas ng pagkamakatwiran, na natural na magiging mas malalim kapag naunawaan na nila ang katotohanan. Ngayon, kung nagagawang mas maunawaan ng mga tao ang iba’t ibang katotohanan, na makilala ang sarili nila, mahanap ang tamang lugar nila, at tumpak na masukat ang lawak ng kanilang sariling kakayahan, persepsyon, at abilidad na maarok ang katotohanan, at kung nagagawa din nilang gamitin ang katotohanan bilang isang pamantayan at sandigan ang mga salita ng Diyos para malaman ang mga bagay-bagay tulad ng alin sa iba’t ibang saloobin sa Diyos na tinataglay ng mga tiwaling tao ang positibo at alin ang hindi, at alin ang mga kuru-kuro at imahinasyon, at alin ang ayon sa katotohanan, mas magiging normal pa ang kanilang pagkamakatwiran. Samakatuwid, ang katotohanan lang ang makapagbibigay sa mga tao ng bagong buhay. Gayunpaman, kung sasangkapan mo ang sarili mo ng kaalaman, bibigyang-diin ang mga partikular na gawi, at palaging magpapasikat, palaging itatanghal ang iyong sarili, at palaging ipagmamalaki ang maliit na bahagi ng malabo, di-makabuluhang kaalaman o pagkatuto at hindi mo hinahangad ang katotohanan, magagawa mo bang makamit ang bagong buhay na ito? Hindi, magiging delusyonal iyon. Hindi lang sa hindi mo ito makakamtan, mawawalan ka pa ng pagkakataon para sa kaligtasan, at iyon ay lubhang mapanganib!

Ang bawat isa sa inyo ay nakinig sa maraming sermon sa katotohanan at ngayon ay medyo mayroon nang kaunting pagkilatis tungkol sa iba’t ibang uri ng mga tao. Kahit na nakikilatis mo ang masasamang tao at hindi mabubuting tao, hindi mo pa rin nakikilatis ang mga huwad na lider at anticristo. Ngayon, unti-unting nililinis ng sambahayan ng Diyos mula sa iglesia ang lahat ng hindi tumatanggap ng katiting na katotohanan, na kumikilos pa rin nang walang ingat at gumugulo at gumagambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ipinapakita nitong umabot na ang gawain ng Diyos sa yugtong ito, at ang hinirang na mga tao ng Diyos ay nagsisimula nang magising. Nang nakipag-ugnayan ako sa ilang tao sa nakalipas, pakiramdam ko palagi na may isang uri ng “amoy” na nagmumula sa kanila. Anong uri ng amoy? Katulad lang ito ng amoy ng mababangis na halimaw at mababangis na hayop na tumitindig ang balahibo at umaalulong bago pa man makalapit sa kanila ang isang tao. Nagpapakita rin ang mga tao ng ilang pag-uugali na katulad nang sa mga hayop. Paano nabubuo ang mga pag-uugaling ito? Nagmumula ang mga ito sa mga tiwaling satanikong disposisyon na taglay ng mga tao. Ano ang ibig kong sabihin sa “amoy”? Ang ibig kong sabihin ay hindi mo nakikita ang pagiging taos-puso kapag tumingin ka sa kanilang mga mata; sa halip, sinasalubong ka ng isang blangkong, gumagalang tingin. Pakiramdam nila ay hindi ka nila masukat kaya gumagala ang kanilang mga mata kapag tumitingin sila sa iyo. Hindi ka rin makakita ng anumang katapatan sa mga salitang binibigkas nila, dahil sa kaibuturan ay wala sila nito. Ano ang ibig kong sabihin kapag sinasabi kong wala silang katapatan? Ibig kong sabihin na kahit sino pa ang nakakahalubilo nila, may depensibong barikada sa kalooban nila. Mararamdaman mo ang depensibong barikadang ito sa pagtingin sa mga mata nila, sa tono ng boses nila, at paraan ng pagsasalita nila. Ito ang uri ng amoy na mayroon sila; nagbibigay ito ng pakiramdam sa isang tao na kahit na maraming sermon na siyang narinig, hindi pa rin niya nauunawaan ang katotohanan, ni hindi pa rin niya tinatahak ang landas ng kaligtasan. Gaano ka man magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan o maglantad ng tiwaling disposisyon ng sangkatauhan; gaano mo man kataos-pusong tinatrato sila, tinutustusan sila, pinapastol sila, o tinutulungan sila, hindi ka makakakuha ng isang taos-pusong saloobin mula sa kanila. Kaya, ano ang nasa kalooban nila? Pag-iingat, pagdududa—ito ang pinakakaraniwan; bukod pa rito, mayroon ding isang uri ng proteksiyon sa sarili at isang pagnanais na palagi silang hangaan. Samakatuwid, ang mga salita nila, ang tingin sa mga mata nila, ang mga ekspresyon sa mukha nila, ang lahat ng ito ay nagbubunyag ng isang bagay na medyo hindi natural. Ibig sabihin, ang nakikita mo sa mga mata at ekspresyon nila ay iba sa kung ano ang iniisip nila sa kaibuturan. Sa madaling salita, mahiyain man ang isang tao, o maingat, o may mga paghihirap sa kalooban nila, kung hindi mo nakikita ang katapatan nila, hindi ba magiging problematiko ito? (Oo.) Sa katunayan, isa itong problema. Kaya, paano natin malalaman? Malalaman natin sa pag-uugali nila o sa paraan nila ng pagsasalita. Hindi nila sinasabi kung ano ang nasa isip nila; sa halip, pinipili nila ang mga salita na sa tingin nila ay angkop at nagbabahagi sa iyo ng tungkol sa mga bagay na napag-isipan na nila. Isa itong taktika sa pagdedepensa sa sarili ng mga walang pananampalataya. Sa tuwing may nangyayari sa kanila, tumitindig muna ang mga balahibo nila na parang parkupino, na pinoprotektahan ang sarili nila. Ang katotohanan nila, ang mga abilidad at talento nila, ang mga pagkakamaling nagawa nila, ang pagkalito nila—kahit ang panlilinlang at pagpapaimbababaw nila—ay nakabalot lahat sa mga tinik nila, inilayo sa paningin ng panlabas na mundo, inilayo maging sa Aking paningin. Masyado silang nagsisikap na pagtakpan at ayusin ang sarili nila at para protektahan din ang sarili nila. Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Nakuha ng sangkatauhan ang mga bagay na ito pagkatapos gawing tiwali ni Satanas. Sa simula, pagkatapos likhain ng Diyos sina Adan at Eba, inakay Niya sila na manirahan sa Halamanan ng Eden; sinabi Niya sa kanila kung aling mga bunga mula sa aling mga puno ang puwede nilang kainin, at kung alin ang hindi nila puwedeng kainin. Hubad sila at hindi nahihiya sa harap ng Diyos. At ano ang naisip nila tungkol dito? Inisip nila na ganito sila nilikha ng Diyos, na mayroon silang anumang ibinigay sa kanila ng Diyos, at na hindi nila kailangang magtago sa Diyos—hindi nila kailanman naisip na gawin iyon. Samakatuwid, paano man sila humarap sa Diyos, palaging bukas ang kanilang puso. Makikita mo ang pagiging taos-puso sa kanilang mga mata; wala silang mga depensa o pader na proteksiyon laban sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso. Hindi nila kailangang protektahan ang sarili nila sa harap ng Diyos dahil alam nila, sa kaibuturan ng kanilang puso, na hindi banta ang Diyos sa kanila; lubos silang ligtas. Poprotektahan lang sila ng Diyos, mamahalin sila, at pahahalagahan sila. Hindi sila kailanman sasaktan ng Diyos. Sa kaibuturan, ito ang kanilang pinakapangunahin at matibay na kaisipan. Pero kailan ito nagsimulang magbago? (Nang kinain nila ang bunga ng puno ng kaalaman ng mabuti at masama.) Ang pagkain mula sa puno ng kaalaman ng mabuti at masama ay, sa katunayan, simboliko. Ibig sabihin nito na, simula noong unang inakit ni Satanas si Eba, unti-unti silang naakit ni Satanas, gumagawa ng mga kasalanan, gumagawa ng mga maling bagay, at tumatahak sa maling landas; pagkatapos, pumasok sa kanila ang lason ni Satanas. Hindi nagtagal, bago ang pagdating ng Diyos, sila ay madalas magtago sa Diyos, hindi nila ginustong mahanap sila ng Diyos. Bakit nila ginawa ito? Pakiramdam nila ay malayo sila sa Diyos. At saan nagmula ang distansyang ito? Ito ay dahil nagkaroon sila ng kakaibang bagay sa kalooban nila. Binigyan sila ni Satanas ng ilang kaisipan at pananaw; binigyan sila nito ng isang uri ng buhay, na nagdulot sa kanilang magduda at mag-ingat laban sa Diyos. Agad silang nagsimulang magtaka kung pagtatawanan sila ng Diyos kapag nakita silang hubo’t hubad. Saan nagmula ang ideyang ito? (Mula kay Satanas.) Bakit hindi sila nag-isip nang ganito bago sila akitin ni Satanas? Sa oras na iyon, taglay nila ang pinakaunang buhay na ibinigay ng Diyos; hindi sila natakot na pagtatawanan sila ng Diyos, ni hindi sila nagkaroon ng ganoong mga kaisipan. Gayunpaman, pagkatapos na maakit ni Satanas, ang lahat ay nagsimulang magbago. Una, naisip nilang, “Wala tayong suot na anuman. Hindi ba’t pagtatawanan tayo ng Diyos? Ibig sabihin ba nito na wala tayong kahihiyan?” Sunod-sunod na tanong ang nabuo sa isipan nila. At sa sandaling lumitaw ang mga kaisipang ito, hindi nila maiwasang magtago sa Diyos. Tiyak na naisip nila sa sarili nilang, “Kailan darating ang Diyos? Kung dumating nga ang Diyos, ano ang dapat kong gawin? Kailangan kong magtago agad!” Naramdaman nila ang pangangailangan na palaging magtago. Isa ba itong tiwaling disposisyon? (Oo.) Ang pang-aakit ni Satanas ang ugat ng tiwaling disposisyong ito. Kapag nag-iingat at nagtatago sa Diyos, magtitiwala pa rin ba sila sa Diyos sa kanilang puso? Sasandig pa rin ba sila sa Kanya? (Hindi.) Kaya, ano ang natira? (Pag-iingat.) Ang mga natitira lang na bagay ay pag-iingat at paghihinala, gayundin ang distansiya, takot, at pagdududa—nagkaroon ng lahat ng ito. Naisip pa nga nilang, “Sasaktan ba tayo ng Diyos? Nakahubad tayo at walang anuman para maipagtanggol ang ating sarili. Sasaktan kaya tayo ng Diyos? Papatayin kaya Niya tayo?” Hindi kailanman sumagi sa isip nila na ibinigay ng Diyos sa kanila ang kanilang buhay, at tiyak na hindi Niya sila papatayin nang basta-basta. Malabo ang pag-iisip nila, naging lito na sila. Ang paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan ay nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan; ang saloobin ng sangkatauhan sa Diyos ay makikita sa mga mata ng mga tao, at hindi kailanman nagbago. Wala na ang pagiging taos-puso; wala na ang tunay na pananampalataya, pagtitiwala, at pagsandig sa Diyos. Nasaan ang ugat ng kasinungalingang ito? (Sa katiwalian ni Satanas.) Tama iyan, ito ay nasa katiwalian ni Satanas. Labis na pininsala ni Satanas ang sangkatauhan! Kahit na puwedeng isipin ng mga tao na ang panahon bago ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan ay medyo mabuti, sa realidad, kung ikukumpara sa panahon pagkatapos na mailigtas at maunawaan ang katotohanan at makilala ang Diyos, ang mga bagay noon ay hindi pa rin kasing ganda ng mga ito pagkatapos na mailigtas. Kung makakapili kayo, alin sa mga senaryo na ito ang pipiliin ninyo? (Ang panahon pagkatapos na mailigtas.) Sa totoo lang, hindi nararapat na piliin ng mga tao ang alinman sa dalawa; hindi makakapili ang mga tao. Itinakda ito ng Diyos, kapalaran ito ng sangkatauhan. Bago ginawang tiwali ni Satanas, kahit na nagtiwala at sumandig ang mga tao sa Diyos, hindi naunawaan ng una sa sangkatauhan ang katotohanan at hindi alam kung sino ang Diyos. Sa panahon ngayon, kahit papaano ay may konsepto nito ang mga tao; alam nila na nagmula ang sangkatauhan sa Diyos, na mga nilikha sila at na ang Diyos ang kanilang Lumikha. Alam nila na ang Diyos ang may kontrol sa lahat. Pero hindi nauunawaan ng mga tao noong panahong iyon ang mga bagay na ito. Medyo simple sila, ibig sabihin hindi sila natatakot na makita sila ng Diyos o pagtawanan sila, at bumabaling sila sa Diyos para sa lahat. Ganoon kasimple ang mga paniniwala nila. Gayunpaman, kilala ba nila kung sino ang Diyos? Hindi. Samakatuwid, ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos ay may malalim na halaga at malaking kahalagahan para sa sangkatauhan. Lahat ito ay mabuti. Kapag pinag-uusapan natin ang kasaysayan ng paghihimagsik ng sangkatauhan laban sa Diyos, medyo nalulungkot ba kayo? Ang dating matalik na relasyon sa pagitan ng sangkatauhan at ng Diyos ay naging napakalayo. Taos-pusong pinoprotektahan at minamahal ng Diyos ang sangkatauhan, pero pinagdududahan ng mga tao ang Diyos; nagtatago at lumalayo sila sa Diyos, tinitingnan pa nga nila ang Diyos bilang isang kaaway. Talagang nagdadala ng labis na kalungkutan ang sabihin ito. Pero maibabaling lang natin ang galit natin kay Satanas; labis na ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Kahit na ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan nang ganoong kalala, may paraan ang Diyos para iligtas ang sangkatauhan. Gaano man nanggugulo si Satanas, hindi ito makaaapekto sa gawain ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Ito ang kapangyarihan ng Diyos, ang awtoridad ng Diyos.

Ang isang anticristo, na nakakuha ng ilang karanasan, kaalaman, o aral, ay nagpapanggap na pagsasakatawan ng katotohanan. Kahit papaano ay nagbahaginan na tayo tungkol sa paksang ito. Anong impormasyon ang nakuha ninyo mula rito? Anong mga katotohanan ang nauunawaan ninyo? (Hindi natin dapat pahalagahan ang kaalaman.) Ito ay isang aspekto. May iba pa ba? (Ang sangkatauhan ay hindi kailanman ang katotohanan at hindi dapat magpanggap na Diyos.) Ang pagpapanggap bilang katotohanan ay hindi isang positibong bagay sa sarili nito. Ang katotohanan ay hindi isang bagay na puwedeng magpanggap ang isang tao na siya ito; ito ang diwa ng Diyos. Ang Diyos ay nagbibigay sa iyo ng kaunting katotohanan—at ang pagkakaroon ng kaunting katotohanan ay sapat na. Pero gusto ng ilang tao na maging pagsasakatawan ng katotohanan. Imposible ito. Ganap na walang batayan ang gayong mga pahayag. Higit pa rito, kung gustong maligtas ng mga tao sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos, dapat nilang matutunang umasal nang may kababaang-loob at hindi maghangad ng pagiging perpekto. Kahit na ang salitang “pagiging perpekto” ay puwedeng umiral, ang ideya na nagiging perpekto ang mga taong nilikha ay hindi katanggap-tanggap. Ang pagiging perpekto ay matatagpuan lang sa Diyos. Sino sa mga tao, na puno ng katiwalian, ang perpekto? Lahat ng nilikha ng Diyos ay walang kapintasan. Ito ang tinatawag nating “pagiging perpekto.” Isipin ang mga isda sa dagat, ang mga ibon sa himpapawid, ang mga ibon at mga hayop na gumagala sa lupa—perpekto ang lahat ng ito. May mahahanap ka bang hindi mabuti? At nariyan ang biyolohikal na kadena na binuo ng lahat ng nabubuhay na bagay—napakaperpekto nito! Ang mga tiwaling tao ay puwede lang magdulot ng pagkawasak, ginagawa itong hindi perpekto, may depekto, at may kakulangan. Napakamakasarili at kasuklam-suklam! Lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti. Ang mga dahon sa mga puno ay may iba’t ibang hugis; ang mga hayop malaki at maliit ay may iba’t ibang uri ng pangangatawan, bawat isa ay may sariling gamit. Masyadong maalalahanin ang Diyos sa sangkatauhan; gayunpaman, ang sangkatauhan, na ginawang tiwali ni Satanas, ay nabigong pangalagaan ang lahat ng bagay. Sa halip, sinira ng sangkatauhan ang mga bagay at sinayang ang maingat na layunin ng Diyos. Hindi pinahalagahan ng mga tao ang lahat ng ito; sa halip, puspusan nilang sinira ito, nilustay at winasak ang lahat ng yaman sa sukdulan. At ano ang resulta nito? Ano ang pinakahuling kinalabasan? Inaani nila ang kanilang itinanim! Nawasak ang kapaligiran, naputol ang kadena ng pagkain, narumihan ang hangin, at naging kontaminado ang tubig. Walang natural na pagkain ang natira; wala man lang malinis na tubig na maiinom. Samakatuwid, hindi umiiral ang konsepto ng “pagiging perpekto” sa mga tao na ginawang tiwali ni Satanas. Ang sinumang tao na, sa ilalim ng bandera ng paghahangad ng katotohanan, ay nagsasabing perpekto siya o naghahangad na maging perpekto ay gumagawa ng isang pahayag na hindi mapatutunayan—ito ay isang mapanlinlang, mapanlihis na kasinungalingan. Gayunpaman, ang gayong mga tiwaling tao ay nagnanais na magpanggap na pagsasakatawan ng katotohanan! Nakagawa na sila ng napakaraming masamang bagay pero iniisip pa rin nila na makapagpapanggap sila na pagsasakatawan ng katotohanan! Hindi ba’t nangangahulugan ito na hindi nagbabago ang satanikong kalikasan nila? (Oo.) Ang hindi pagtataglay ng katotohanan pero nagnanais pa ring magpanggap na pagsasakatawan ng katotohanan, napakawalanghiya ng mga satanikong uring ito!

Nobyembre 20, 2019

Sinundan: Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)

Sumunod: Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ibinebenta pa nga ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikalawang Bahagi)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito