Ikawalong Aytem: Hinihimok Nila ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Ikalawang Bahagi)
Karagdagang Babasahin: Isang Maikling Pagtalakay Tungkol sa Tatlong Aspekto ng Normal na Pagkatao
Sa pagkakataong ito ay hindi tayo magkukuwento sa ating pagbabahaginan. Magsisimula tayo sa isang paksang madalas talakayin: kung ano ang pagkatao. Marami na tayong nasabi tungkol sa paksang ito dati, at ginagawa pa rin natin ito ngayon. Ito ay isang paksang madalas na binabanggit, isang isyung araw-araw na nakakatagpo ng isang tao sa kanyang pang-araw-araw na buhay, isang paksang maaaring makatagpo at maranasan ng isang tao araw-araw. Ang paksa ay kung ano ang pagkatao. Saklaw ng pagkatao ang ilang mahalagang bagay. Ano ang mga karaniwang pagpapamalas ng pagkatao sa pang-araw-araw na buhay ng isang tao? (Integridad at dignidad.) Ano pa? Konsensiya at katwiran, tama? (Oo.) Madalas ninyong nababanggit ang mga iyon. Ano ang iba pa na hindi ninyo madalas nababanggit? Ibig sabihin, alin ang mga paksang hindi ninyo talaga nababanggit sa inyong karaniwang pagtalakay tungkol sa pagkatao? Konsensiya at katwiran, integridad at dignidad—ang mga paksang ito ay mga maaasahang regular na nakakatagpo ng isang tao. Gaano kalaki ang koneksiyon sa pagitan ng konsensiya, katwiran, integridad, at dignidad na madalas ninyong talakayin at ng inyong tunay na buhay? Paano nakapagpahusay at nakatulong ang materyal na iyon sa inyong pagsasagawa at pagpasok sa inyong tunay na buhay? Gaano ito naging kapaki-pakinabang? Kaya, ano pang ibang mga aytem ang mayroon na malapit na nauugnay sa inyong pang-araw-araw na normal na buhay? Sasabihin Ko ang ilan, at titingnan natin kung ang mga ito ay mga paksang palagi ninyong napag-uusapan. Sa materyal natin na may kinalaman sa pagkatao, isasantabi muna natin kung ang materyal ay positibo o negatibo, at kung ito ay nauugnay sa normal o abnormal na pagkatao. Higit pa sa mga aytem na kababanggit lang natin, nariyan ang isa sa mga saloobin ng mga tao sa kanilang pagtrato sa iba’t ibang uri ng mga tao, pangyayari, at bagay sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Hindi ba’t isa iyon? Wala ba iyong kinalaman sa pagkatao? (May kinalaman ito.) May isa pa, na ang pangangasiwa ng mga tao sa kanilang mga personal na kapaligiran sa kanilang pang-araw-araw na buhay, at isa pa, ang saloobin at pag-uugali ng mga tao sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga kasalungat na kasarian. May kaugnayan ba ang tatlong aytem na ito sa pagkatao? (Oo.) May kinalaman itong lahat. Para sa paksang tatalakayin natin ngayon, isasantabi natin ang mga paksa ng paghahangad ng tao sa katotohanan, kung paano papasok sa katotohanang realidad sa paniniwala ng isang tao sa Diyos, at kung paano itataguyod ang lahat ng iba’t ibang prinsipyo, at magsasalita lang ng tungkol sa pagkatao. Kaya, ang tatlong aytem na iyon—mahalaga ba ang koneksiyon ng mga ito sa pagkatao? (Oo.) Ano ang tatlong aytem na iyon? Ipahayag muli ang mga ito. (Ang una ay ang saloobin ng mga tao sa kanilang pagtrato sa iba’t ibang uri ng mga tao, pangyayari, at bagay sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang pangalawa ay ang pangangasiwa ng mga tao sa kanilang mga personal na kapaligiran sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang pangatlo ay ang saloobin at pag-uugali ng mga tao sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga kasalungat na kasarian sa kanilang pang-araw-araw na buhay.) At ano ang nakapaloob sa tatlong aytem na iyon? (Pagkatao.) Bakit sinasabi nating nakapaloob sa tatlong aytem na ito ang pagkatao, na nauugnay ang mga ito rito? Bakit natin tatalakayin ang tatlong ito? Bakit hindi natin pinag-uusapan ang bahaging tungkol sa konsensiya at katwiran? Bakit isinasantabi natin ang mga aspektong karaniwan nating tinatalakay para pag-usapan ang tatlong aytem na ito? Mas makabago o mas primitibo ba ang tatlong aytem na ito kaysa sa konsensiya, katwiran, integridad, at dignidad na nauugnay sa pagkatao, na dati na nating tinalakay? (Mas primitibo ang mga ito.) Pangmamaliit ba sa inyo ang talakayin ang mga bagay na ito? (Hindi.) Kaya, bakit natin tatalakayin ang mga ito? (Praktikal ang mga ito.) Mas praktikal ang mga ito. Iyan ang dahilang mayroon kayo? Bakit natin ito pag-uusapan? Dahil nakakita Ako ng mga problema; tungkol sa mga kasalukuyang kondisyon at iba’t ibang pag-uugali na lumalabas sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao, nakakita Ako ng kaunting problema na malapit na nauugnay sa tunay na buhay ng mga tao, at kinakailangang ilatag ang mga ito, isa-isa, para sa pagbabahaginan. Kung isasantabi ng mga tao ang tunay na buhay, at ang iba’t ibang pag-uugali ng normal na pagkatao at ng pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pananalig sa Diyos, at masugid lang na hahangarin ang katotohanan—ang gayong malalalim na katotohanan gaya ng pagiging isang taong mahal ng Diyos—sabihin mo sa Akin, anong mga problema ang kahahantungan niyon? Ano ang pangunahing kondisyon na kung saan ang isang tao ay maaaring makapasok sa katotohanang realidad sa kanyang paghahangad sa katotohanan? (Kailangan niyang gawin ito sa tunay na buhay.) Ano pa? (Kailangan niya ng normal na pagkatao.) Tama iyon—dapat nagtataglay siya ng normal na pagkatao, na, bukod sa konsensiya, katwiran, integridad, at dignidad, ay binubuo ng tatlong aytem na kababanggit lang natin. Magiging medyo hungkag para sa isang tao na magsalita tungkol sa paghahangad at paghahanap ng katotohanan kung hindi niya maaabot ang mga pamantayan o makakamit ang normalidad sa tatlong aytem na ito na nakakaapekto sa pagkatao. Ang paghahangad sa katotohanan, paghahangad na makapasok sa katotohanang realidad, paghahangad ng kaligtasan—hindi ito kayang makamit ng lahat, kundi ng minorya lang ng mga taong nagmamahal sa katotohanan at may normal na pagkatao. Kung hindi alam ng isang tao kung ano ang dapat taglayin ng isang taong may normal na pagkatao, o kung ano ang dapat niyang gawin, o kung anong uri ng saloobin at pananaw ang dapat niyang taglayin tungkol sa partikular na mga tao, pangyayari, at bagay, may kakayahan ba ang taong iyon na makamit ang pagpasok sa katotohanang realidad? Maaari bang magbunga ng mga resulta ang paghahangad niya ng katotohanan? Sa kasamaang palad, hindi.
A. Ang Saloobin ng mga Tao sa Pagtrato Nila sa Iba’t Ibang Uri ng mga Tao, Pangyayari, at Bagay
Magsisimula tayo sa pagbabahaginan sa unang aytem na kinapapalooban ng pagkatao: ang saloobin ng mga tao sa kanilang pagtrato sa iba’t ibang uri ng mga tao, pangyayari, at bagay sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Nauunawaan ng lahat kung ano ang ibig sabihin ng “pang-araw-araw na buhay.” Hindi nito kailangan ng elaborasyon. Ano, kung gayon, ang mga pangunahing tao, pangyayari, at bagay na nauugnay sa pagkatao? Ibig sabihin, ano ang naroroon na umaangat sa antas ng normal na pagkatao, na may kaugnayan sa saklaw nito, na may kinalaman dito? (Pakikipag-ugnayan sa mga tao at bagay.) Bahagi iyon nito. Naroon din ang kaalaman at propesyonal na kasanayan na dapat matutunan ng isang tao, at naroon ang pangkalahatang kaalaman para sa pang-araw-araw na pamumuhay. Ang lahat ng ito ay bahagi ng kung ano ang dapat maunawaan at taglayin ng isang taong may normal na pagkatao. Ang ilang tao, halimbawa, ay natututo ng pagkakarpintero o pagmamason, at ang iba ay natututong magmaneho o magkumpuni ng mga sasakyan. Ang mga ito ay mga kasanayan, kalinangan, at ang malaman ang gayong kalinangan ay ang maging bihasa sa propesyonal na trabaho ng kalinangang iyon. Kaya, sa anong antas at anong pamantayan dapat matutunan ng isang tao ang isang kasanayan para maituring bilang isang dalubhasa? Kahit papaano ay dapat siyang makabuo ng isang tapos na produkto sa isang katanggap-tanggap na pamantayan. May ilang tao na gumagawa ng medyo palpak na trabaho. Hindi umaabot sa pamantayan ang mga trabahong ginagawa nila, hanggang sa punto pa nga ng pagiging mahirap pagmasdan. Ano ang problema roon? May kinalaman ito sa saloobin nila sa kanilang trabaho. Walang matapat na saloobin ang ilang tao. Iniisip nilang, “Kung nagagawa ng bagay na ginagawa ko ang trabaho nito, sapat na iyon. Pagtiyagaan mo lang ito sa loob ng ilang taon, pagkatapos ay kumpunihin mo ito.” Ito ba ang uri ng pananaw na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao? (Hindi.) Ang ilang tao ay may mga saloobin na bahala na at walang pakialam. Ayos na sa kanila ang “puwede na.” Iresponsableng saloobin ito. Isang bagay sa loob ng isang tiwaling disposisyon ang pagharap sa mga bagay-bagay nang walang galang at iresponsable: Kasalaulaan ang madalas na tawag ng mga tao rito. Sa lahat ng bagay na kanilang ginagawa, ginagawa nila ito sa puntong “tama lang iyan” at “puwede na”; ito ay isang saloobin ng “siguro,” “posible,” at “malamang”; ginagawa nila ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta, nasisiyahan na silang gumawa sa pinakamababang paraan, at nasisiyahang gumawa nang walang kaplanu-plano; wala silang nakikitang dahilan para seryosohin ang mga bagay-bagay o maging metikuloso, at lalong wala silang nakikitang dahilan para hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi ba ito isang bagay na nasa loob ng isang tiwaling disposisyon? Pagpapamalas ba ito ng normal na pagkatao? Hindi. Tama lamang na tawagin itong kayabangan, at angkop na angkop ding tawagin itong bulok—ngunit para maunawaan ito nang malinaw, ang tanging salitang puwede na ay “salaula.” Karamihan ng mga tao ay may kasalaulaan sa loob nila, iba-iba lamang ang antas. Sa lahat ng bagay, nais nilang gawin ang mga bagay-bagay sa pabasta-basta at walang ingat na paraan, at may bakas ng panlilinlang sa lahat ng ginagawa nila. Dinadaya nila ang iba tuwing may pagkakataon sila, nilalaktawan ang ilang hakbang hangga’t kaya nila, nagtitipid ng oras kapag kaya nila. Iniisip nila sa kanilang sarili, “Hangga’t maiiwasan kong mabunyag, at walang idinudulot na mga problema, at hindi ako pinananagot, mairaraos ko ito. Hindi ko kailangang gumawa ng isang napakagandang trabaho, masyadong abala iyon!” Ang gayong mga tao ay walang natututuhang kasanayan, at hindi sila nagsisikap o nagdurusa at nagbabayad ng halaga sa pag-aaral nila. Gusto lang nilang mababaw na matutunan ang isang paksa at pagkatapos ay tinatawag ang sarili nila na bihasa roon, naniniwala na natutuhan na nila ang lahat ng dapat malaman, at pagkatapos ay umaasa sila rito upang iraos lang ang gawain. Hindi ba ito ang saloobin ng mga tao sa ibang mga tao, pangyayari, at bagay? Maganda ba ang ganitong pag-uugali? Hindi. Sa madaling salita, ito ay ang “makaraos lang.” Ang gayong kasalaulaan ay umiiral sa lahat ng tiwaling sangkatauhan. Ang mga taong may kasalaulaan sa kanilang pagkatao ay may pananaw at saloobing “makaraos lang” sa anumang bagay na ginagawa nila. Nagagawa ba nang tama ng gayong mga tao ang kanilang tungkulin? Hindi. Nagagawa ba nila ang mga bagay-bagay nang may prinsipyo? Lalong malamang na hindi.
May ilang tao na hindi nakatuon sa anumang ginagawa nila, kundi pabaya, pabasta-basta, at iresponsable. May ilan, halimbawa, na natututong magmaneho, pero hindi kailanman nagtatanong sa mga bihasang drayber kung ano ang dapat bigyang-pansin kapag nagmamaneho, o kung anong bilis ang makakasira sa makina. Hindi sila nagtatanong, nagmamaneho lang sila—at nasisira nila ang sasakyan nila bilang resulta. Sinisipa nila ang sasakyan at sinasabing, “Marupok ang bagay na ito. Bigyan mo ako ng isang Mercedes o isang BMW, hindi katanggap-tanggap ang lumang depektibong sasakyan na ito—lipas na ito!” Anong saloobin iyon? Hindi nila tinatrato ang mga materyal na bagay nang may mapagmahal na pag-aalaga, at hindi nila iniisip na panatilihin ang mga ito sa mabuting kalagayan, kundi sinasadyang wasakin at sirain ang mga ito. Pabaya at walang ingat na namumuhay ang ilang tao. Ginagawa nila ang lahat, buong araw, sa isang pabaya, walang ingat na paraan. Anong uri ng mga tao ito? (Mga taong walang pakialam.) Ang “mga taong walang pakialam” ay isang magandang paraan para sabihin ito—dapat tawagin mo silang “mga taong pabaya”; angkop din ang “mga hamak na tao.” Sobra ba iyon? Paano masasabi ng isang tao ang kaibahan sa pagitan ng marangal at hamak na mga tao? Tingnan lamang ang kanilang pag-uugali at ang kanilang ikinikilos sa mga tungkulin, at tingnan kung paano sila kumikilos kapag nagkakaroon ng mga problema. Ang mga taong may integridad at dignidad ay metikuloso, matapat at masipag sa kanilang mga kilos, at handa silang magbayad ng halaga. Ang mga taong walang integridad at dignidad ay walang ingat at padaskol kumilos, laging nanloloko, laging gustong magtrabaho lamang nang pabasta-basta. Anumang pamamaraan ang inaaral nila, hindi nila ito masigasig na pinag-aaralan, hindi nila ito matutunan, at gaano man katagal nila itong pag-aralan, nananatili silang lubos na mangmang. Ito ang mga taong mababa ang karakter. Pabasta-basta sa paggawa ng mga tungkulin ang karamihan ng mga tao. Anong disposisyon ang gumagana roon? (Pagiging salaula.) Paano tinatrato ng mga salaulang tao ang kanilang tungkulin? Siguradong wala silang tamang saloobin dito, at siguradong pabasta-basta sila rito. Nangangahulugan ito na wala silang normal na pagkatao. Sa totoo lang ay parang mga hayop ang mga salaulang tao. Parang pag-aalaga ito ng isang aso: Kung hindi mo ito babantayan, ngangatngatin nito ang mga bagay-bagay at sisirain ang lahat ng iyong kasangkapan at kagamitan. Magiging kawalan iyon. Mga hayop ang mga aso; hindi iniisip ng mga ito na tratuhin ang mga bagay nang may mapagmahal na pangangalaga, at hindi ka maaaring makipagtalo sa mga ito—kailangan mo lang pangasiwaan ang mga ito. Kung hindi mo ito gagawin, at sa halip ay hahayaan ang isang hayop na magwala at guluhin ang iyong buhay, ipinapakita niyon na may isang bagay na nawawala sa iyong pagkatao. Hindi ka gaanong naiiba sa isang hayop, kung gayon. Napakababa ng iyong IQ—wala kang kuwentang tao. Kaya, paano mo pangangasiwaan nang maayos ang mga ito? Kailangan mong mag-isip ng paraan para pigilan sila sa loob ng ilang partikular na hangganan, o panatilihin silang nakakulong, palalabasin sila sa dalawa o tatlong nakatakdang oras bawat araw, para magkaroon sila nang sapat na gawain. Mapipigil niyon ang walang habas nilang pagngatngat, at mabibigyan din sila ng ehersisyo, para mapanatili silang malusog. Sa ganoong paraan, maayos na napapangasiwaan ang aso, at napoprotektahan din ang iyong kapaligiran. Kung hindi napapangasiwaan ng isang tao ang mga bagay na nakakaharap niya at wala siyang tamang saloobin, may nawawala sa kanyang pagkatao. Hindi nito maaabot ang pamantayan ng normal na pagkatao. O, pagdating sa pagluluto: gumagamit lang ng kaunting mantika ang mga ordinaryong tao kapag nagpiprito sila, pero may ilang babae na gumagamit ng marami. Kahit na mayaman ka, hindi ka dapat magsayang ng mantika—kailangan mong gumamit ng katamtamang dami. Pero walang pakialam diyan ang mga babaeng ito; kung nabitiwan nila at naibuhos ang napakaraming mantika sa prito, sasandukin lang nila ang sobra at itatapon ito sa lupa. Maaksaya iyon, hindi ba? Ano ang popular na tawag sa taong may ganoong saloobin sa mga materyal na bagay? “Maluho”—o, bilang isang insulto, isang “gastador.” Saan nagmumula ang mga materyal na bagay? Ibinigay ng Diyos ang mga ito. Sinasabi ng ilang tao na pinaghirapan nila ang mga bagay na kanila—pero gaano karaming bagay ba ang mapapasaiyo kung hindi ito ibinigay ng Diyos? Ibinigay Niya sa iyo ang iyong buhay. Kung hindi Niya ibinigay sa iyo ang iyong buhay, wala kang tataglayin at ikaw ay magiging wala, kaya makakamit mo pa rin ba ang iyong mga materyal na bagay? Maaaring binigyan ka ng Diyos ng higit pa kaysa sa karaniwang sambahayan, pero tama ba ang saloobin at pananaw mo sa pag-aaksaya nito? Paano ito mailalarawan kaugnay sa pagkatao? Ang gayong tao ay may mababang pagkatao. Ang pagiging maluho, pag-aaksaya ng mga bagay, hindi pagkaalam kung paano tratuhin ang mga bagay nang may mapagmahal na pangangalaga—ang gayong tao ay walang normal na pagkatao. Hindi man lang nga iniisip ng ilang tao na pangasiwaan ang mga bagay sa sambahayan ng Diyos nang may pag-iingat. May bagay na nabibilang sa sambahayan ng Diyos. Nakikita nila ito. Pero kung uulan na, at makakasama kung mabasa ang bagay na iyon, ano ang iisipin nila? “Hindi malaking bagay kung mabasa ito. Hindi naman ito sa akin. Hahayaan ko ito.” Pagkatapos, aalis na sila. Ano ang tawag sa saloobing iyon? Pagiging makasarili. Matuwid ba sila sa kanilang pag-iisip? Kung hindi, ano sila? (Baliko.) Kung ang isang tao ay hindi matuwid, hindi ba’t baliko siya? May normal bang pagkatao ang mga taong hindi matuwid sa kanilang pag-iisip? Siguradong wala. Para sa ating unang aytem, ang saloobin ng mga tao sa kanilang pagtrato sa iba’t ibang uri ng tao, pangyayari, at bagay, ilang bagay na ba ang napag-usapan na natin ngayon? May pagiging salaula, salaula. Ano pa? (Pagiging hamak at baliko.) Ang gayong kolokyal na lengguwahe—gumagamit ba kayo ng mga salitang tulad ng mga ito kapag pinagninilayan, kinikilala, at hinihimay ninyo ang inyong sarili sa inyong pang-araw-araw na buhay? (Hindi.) Walang gumagawa nito. Kaya, anong mga salita ang ginagamit ninyo? Nagsasalita kayo sa magagarbong salita—walang gumagamit ng ganoong pang-araw-araw na pananalita.
Nararamdaman ng maraming tao na medyo dakila sila dahil nananalig sila sa Diyos. Ang mga may ilang kasanayan at propesyonal na kaalaman, o mga mataas na degree pa nga, sa partikular, ay nararamdamang nakahihigit sila sa mga ordinaryong tao. Dahil nalulugod sa sarili nila, iniisip nila, “Binitiwan ko pa nga ang solidong propesyon na mayroon ako sa mundo, at hindi ako pumunta sa sambahayan ng Diyos para sa libreng pagkain. Makapagbibigay ng kontribusyon sa sambahayan ng Diyos ang isang taong may kasanayan na tulad ko. Ginugugol ko ang sarili ko at nagdurusa ako para sa Diyos. Kasama ko pa nga sa silid at kasalo sa pagkain ang mga karaniwang taong ito, sa komunal na pamumuhay. Gaano kadakila ang aking kalidad!” Iniisip nila na may bukod-tangi silang marangal na integridad, na mas marangal sila kaysa sa iba pa. Palagi nila itong ikinagagalak. Ang katunayan ay napakaraming bagay ang nawawala sa kanilang pagkatao, at hindi lang sa hindi nila ito alam, nasa alapaap sila, iniisip na dakila sila, na mas dakila ang karakter nila kaysa sa mga ordinaryong tao. Sa katunayan, wala ni isang bagay roon na makakatugon sa depinisyon ng salitang “normal” na nauuna sa “pagkatao” sa “normal na pagkatao.” Wala roon ang ayon sa pamantayang iyon; ang lahat ay lubhang nagkukulang. Ang konsensiya nila? Wala sila noon. Ang karakter nila? Hindi ito mabuti. Ang integridad at mga katangian nila? Wala sa mga ito ang mabuti. Dahil magkakasama sila, kapag ang ilang tao ay may isang bagay na mahalaga sa kanila, hindi sila mangangahas na ilabas ito. Bakit ganoon? Ang isang panig nito ay iyong hindi nila pinagkakatiwalaan ang iba, at ang isa pa ay kung saan maraming tao, may mga taong hindi mapagkakatiwalaan, at ang ilan sa kanila ay maaaring may malilikot na kamay—baka nga magnakaw pa sila. Ang mga taong ito ay may di-magandang ugali. May ilang tao na pinipili ang pinakamasasarap na piraso ng pagkain kapag kumakain sila, at kinakain nila iyon hanggang sa mabusog sila, gaano man karaming tao ang susunod pa sa kanila na hindi pa nakakakain. Hindi ba’t iyon ay masyadong makasarili? May ilan na isinasaalang-alang ang iba kapag kumakain sila. Ano ang inilalarawan nito? Ipinapakita nito na ang huli ay mga makatwirang tao na iniisip ang iba. Kakain sila nang mas kaunti, para makapag-iwan ng ilan para sa iba. Iyon ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng kalidad. Sa sambahayan ng Diyos, may pagkatao ang ilang tao, habang ang ilan ay medyo nagkukulang. Hindi nga nila maabot ang mga pamantayan ng normal na pagkatao. Sa pag-iisip sa mga pag-uugaling nabanggit Ko, marami ba sa inyo ang mga tao na may normal na pagkatao? O hindi ganoong karami? Kapag karaniwang ipinapakita ninyo ang gayong mga pag-uugali, may kakayahan ba kayo na mapagtanto na mga problema ang mga ito? Kapag nagbubunyag ka ng isang tiwaling disposisyon, alam mo ba ito? Kung alam mo ito, at nararamdaman mo ito, at handa kang magbago, mayroon kang kaunting pagkatao—hindi pa lang nito nakakamit ang pagiging normal. Kung hindi mo man lang ito nalalaman, maituturing ka bang isang taong may pagkatao? Hindi. Hindi ito kuwestiyon ng mabuti o masamang pagkatao, normal o abnormal—wala kang pagkatao. Tuwing kainan, halimbawa, may ilang tao na nakakakita ng isang plato ng nilagang baboy na inilalabas at nagsisimulang sunggaban ito, ang parehong mataba at malaman na mga piraso, at hindi sila titigil hanggang sa maubos ang lahat. Nakakita na ba kayo ng mga hayop na nag-aaway dahil sa pagkain? (Oo.) Parehong eksena ito, pero sa mga hayop; sa mga tao, bahagi ba ng normal na pagkatao ang pag-aaway na iyon? (Hindi ito normal na pagkatao.) Ano ang gagawin ng mga tao na may normal na pagkatao? (Makukontento sila sa kung ano ang mayroon sila, at hindi sakim.) Ganyan ang makatotohanang paraan para sabihin ito. Paanong hindi magiging sakim ang isang tao, kung gayon? Anong mga kaisipan at anong pagsasaalang-alang sa isyung ito ang bumubuo sa pag-iisip na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao, kung saan makapagpapatuloy silang kumilos nang may katumpakan? Una, tama dapat ang iyong pag-iisip. Ang isang babae, halimbawa, ay mag-iisip, “Maraming nilagang baboy ngayon. Gusto ko pa, pero medyo nahihiya ako, dahil napalilibutan ako ng aking mga kapatid. Anong dapat kong gawin? Sa palagay ko ay maghihintay akong kumain hanggang sa nakakain na sila. Ayaw kong pagtakhan ng iba kung paano naging matakaw ang isang babaeng tulad ko. Nakakahiya kaya iyon!” Normal para sa isang babae ang mag-isip nang ganoon, dahil sa pangkalahatan ay medyo sensitibo sila. Karamihan sa mga lalaki ay mag-iisip, “Ang sarap ng nilagang baboy na iyon. Mauuna na ako at ako na ang bahala.” Mauuna silang kumuha gamit ang kanilang mga chopstick, walang pakialam sa kung ano ang iniisip ng iba. Pero mas makatwiran ang ilang lalaki kaysa riyan. Pagkatapos nilang makasubo, medyo pag-iisipan nila ito: “Napakaraming tao na kasunod ko ang hindi pa nakakakain. Kailangan kong huminto at mag-iwan ng ilan para sa iba.” Ang katunayang nakakapag-iisip at nakakakilos sila nang ganoon ay nagpapakita na may katwiran silang tao, na likas na may normal silang pagkatao. May ilang tao na lumilihis sa kakatwang direksiyon: “Ayaw ng Diyos na kumain ang mga tao ng nilagang baboy, kaya hindi ako kakain ng kahit isang subo. Ibig sabihin niyon na mas marami pa akong pagkatao, hindi ba?” Kakatwang pag-iisip iyon. Ano ang ipinapakita Ko sa halimbawang ito? Na dapat magtaglay ang mga tao ng tamang saloobin sa bawat uri ng tao, pangyayari, at bagay. Dumarating ang isang tao sa tamang saloobin na ito sa pamamagitan ng pag-iisip na isinagawa mula sa perspektiba ng pagkamakatwiran, konsensiya, integridad, at dignidad ng sangkatauhan. Kung magsasagawa ka nang may ganitong uri ng pag-iisip, karaniwang naaayon ka sa normal na pagkatao.
Ang saloobin na mayroon ang isang tao sa mga tao, pangyayari, at bagay ay walang iba kundi kung paano naipamamalas sa kanilang pang-araw-araw na buhay ang pakikipag-ugnayan sa mga tao at bagay. Maaaring walang gaanong kinalaman ang mga pagpapamalas na ito sa gawaing dapat mong gawin, o maaaring malayo ang mga ito rito, pero hindi hungkag ang pananalig sa Diyos: hindi nabubuhay sa isang kawalan ang mga mananampalataya sa Diyos, kundi sa tunay na buhay. Hindi sila dapat ihiwalay sa tunay na buhay. Anong uri ng saloobin at pag-iisip ang dapat na taglayin ng mga tao, maging ito man ay sa mga propesyonal na kasanayan o sa karaniwang karunungan o kaalaman tungkol sa isang bagay? Tama bang palaging magkaroon ng pag-iisip na makaraos lang? May ilang tao na palaging naguguluhan tungkol sa mga bagay na ito—gagana ba iyon? Wala ba silang problema sa pananaw nila? Ang problema sa pananaw nila ay bahagi nito; maliban pa riyan, may kinalaman ito sa kanilang karakter. Pinamunuan ng malaking pulang dragon ang Tsina sa loob ng libu-libong taon, palaging nakikibahagi sa mga kampanya at pakikibaka. Hindi nito pinauunlad ang ekonomiya, at hindi nito iniisip ang buhay ng mga karaniwang tao. Sa kalaunan, nagtaguyod ang mga tao ng isang uri ng pagiging salaula na nagpapatangay lang. Sa lahat ng ginagawa nila, pabasta-basta sila, at nagkikimkim ng maikling perspektiba. Hindi nila nilalayon ang kahusayan sa alinman sa kanilang pag-aaral, at hindi nila ito makakamit. Palagi silang kumikilos nang may maikling perspektiba: Tinitingnan nila kung ano ang kailangan ng merkado, pagkatapos ay nagmamadaling gawin ito, nang hindi man lang nag-iisip hanggang sa makuha nila ang kanilang suwerte. Hindi na sila umuunlad pa mula sa pundasyong ito, o gumagawa ng karagdagang siyentipikong pananaliksik, o nagsusumikap para sa mas perpektong kahusayan, na may wakas na resulta na ang magagaan at mabibigat na industriya ng Tsina at ang bawat isang sektor ay parehong walang mga makabagong produkto sa pandaigdigang entablado. Gayumpaman ay hambog ang mga Tsino: “May 5,000 taon kami ng pinakamagaling na tradisyonal na kultura dito sa Tsina. Kaming mga Tsino ay mabait at masipag.” Bakit, kung gayon, patuloy na gumagawa ang Tsina ng mga peke para dayain ang mga tao? Bakit halos wala silang anumang bagay na maaaring makipagkumpitensya sa pandaigdigang merkado? Ano ang nangyayari roon? May mga makabagong produkto ba ang Tsina? May isang “makabagong” bagay ang mga Tsino, at iyon ay ang kanilang kahusayan sa imitasyon at pamemeke—sa panlilinlang. Makikita ang pagiging salaula nila roon. Sasabihin ng ilan na, “Bakit ganoon Mo kami inilalarawan? Sa palagay Mo ba hindi kami nito minamaliit at niyuyurakan?” Ganoon ba? Kung titingnan ang ilan sa mga bagay na ginagawa ng mga Tsino, masasabing talagang angkop ang paglalarawan. May sinumang Tsino ba, sa merkado o sa mga karaniwang tao, ang umaasikaso sa kanilang nararapat na trabaho? Napakakaunti, at ang mga nagsisikap para dito ay nawawalan ng gana kapag nakikita nila kung gaano kahirap ang kapaligirang panlipunan, at na walang kabutihang napapala ang mga nag-aasikaso sa kanilang nararapat na gawain. Tumitigil sila sa pagsubok at sumusuko.
Ang mga bagay na may kinalaman sa pagkatao—ang mga saloobin, kaisipan, at opinyon na ibinubunyag ng mga tao sa kanilang pagtrato sa ibang mga tao, pangyayari, at bagay—ay napakalinaw. Ano ang sinasabi ng mga ito? Sinasabi ng mga ito kung paano makikita ang karakter ng isang tao, kung sila ay isang disente at matuwid na tao. Ano ang maging disente at matuwid? Ang pagiging tradisyonal ba ay disente at matuwid? Ang pagiging sibil at may mabuting asal ba ay disente at matuwid? (Hindi.) Ang pagsunod ba sa mga tuntunin nang eksakto ay disente at matuwid? (Hindi.) Wala ito sa mga ito. Kaya, ano ang pagiging disente at matuwid? Kung ang isang tao ay isang disente at matuwid na tao, anuman ang kanilang gawin, ginagawa nila ito nang may isang partikular na mentalidad: “Hindi mahalaga kung gusto ko mang gawin ang bagay na ito o hindi, o kung ito ay nasa saklaw ng aking mga interes o isang bagayna mayroon akong kaunting interes—ibinigay ito sa akin para gawin, at gagawin ko ito nang mabuti. Sisimulan ko itong pag-aralan mula sa simula, at, nang may mga paang nakatapak sa lupa, gagawin ko ito nang paisa-isa. Sa huli, gaano man kalayo ang narating ko sa gawain, nagawa ko ang lahat ng aking makakaya.” Kahit papaano, dapat kang magtaglay ng isang uri ng praktikal na saloobin at mentalidad. Kung, mula sa sandaling tinanggap mo ang isang gawain, ginagawa mo ito nang naguguluhan at hindi mo ito pinapahalagahan nang kahit kaunti—kung hindi mo ito taimtim na tinatrato, at hindi sumasangguni sa mga nauugnay na mapagkukunan, gumagawa ng mga detalyadong paghahanda, o naghahanap at kumonsulta sa iba; at kung, higit pa riyan, hindi mo dinaragdagan ang oras na iyong ginugugol sa pag-aaral ng bagay na ito para patuloy mong itong mapaghusay, nagkakamit ng kadulabhasaan sa kasanayan o propesyong ito, pero nagpapanatili ng isang mas pabayang saloobin dito at isang saloobin na makaraos lang sa iyong pagtrato rito, isang problema ito sa iyong pagkatao. Hindi ba’t ito ay para makaraos lang? Sinasabi ng ilan, “Hindi ko gusto kapag binibigyan mo ako ng ganitong uri ng tungkulin.” Kung hindi mo ito gusto, huwag itong tanggapin—at kung tinatanggap mo ito, dapat mo itong harapin nang may taimtim, responsableng saloobin. Iyon ang uri ng saloobin na dapat mong taglayin. Hindi ba’t ito ang saloobin na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao? Ito ang maging disente at matuwid. Sa aspektong ito ng normal na pagkatao, kinakailangan mo, kahit papaano, ang pagiging maasikaso, pagiging matapat, at ang kahandaang magbayad ng halaga, kasama ang mga saloobin ng pagiging praktikal, taimtim, at responsable. Ang magkaroon ng mga bagay na ito ay sapat na.
May lahat ng uri ng tao sa iglesia. Ang mga nagmamahal sa katotohanan ay may mas mabuting pagkatao, at kapag sila ay nagbunyag ng isang tiwaling disposisyon, kaagad silang naitatama. Ang mga walang pagmamahal sa katotohanan ay may mas masahol pang pagkatao. Kung ang isang tao ay hindi naglalapat ng sarili niya at iresponsable sa atas ng Diyos, hindi ba’t hindi siya karapat-dapat sa kredito? Ang ganoong pagkatao ay walang kuwenta at walang halaga. Ito ay hamak. Nananalig ka sa Diyos. Kung haharapin mo ang iyong atas nang may pabasta-basta at iresponsableng saloobin, maging atas man ito sa iyo ng Diyos o ng iglesia, ang iyong saloobin ba ay ang dapat taglayin ng isang taong may normal na pagkatao? Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ko sineseryoso ang mga bagay na ibinibigay sa akin ng mga kapatid, pero ginagarantiya ko na magtatagumpay ako sa mga bagay na ibinibigay sa akin ng Diyos. Tatratuhin ko ang mga iyon nang maayos.” Iyon ba ang tamang sentimyento? (Hindi.) Sa anong paraan ito hindi tama? Isang tao na hindi mapagkakatiwalaan at kulang sa kabutihan, na may pagkatao na kulang sa mga bagay na ito—kanino maaaring maging totoo ang mga ito? Walang sinuman. Kahit sa sarili nilang mga usapin, nandaraya sila at nagiging pabasta-basta. Hindi ba’t hamak at walang kuwenta ang taong ganyan? Kung kaya ng isang tao na ilapat ang kanyang sarili at umako ng responsabilidad at maging mapagkakatiwalaan sa mga bagay na iniaatas sa kanya ng ibang tao, magiging mas malala pa ba ang gagawin niya sa isang atas na tinanggap niya mula sa Diyos? Kung siya, isang tao na may konsensiya at katwiran, ay nakauunawa sa katotohanan, hindi siya dapat gumawa nang mas masahol pa sa isang atas na tinanggap niya mula sa Diyos at sa pagganap ng kanyang tungkulin. Mas mahusay ang gagawin niya, panigurado, kaysa sa mga walang konsensiya na walang kabutihan. Iyon ang pagkakaiba sa kanilang karakter. Sinasabi ng ilan, “Hindi ko seseryosohin kung hihingin mo sa akin na mag-alaga ng aso o pusa, pero kung aatasan ako ng isang mahalagang bagay para sa sambahayan ng Diyos, gagampanan ko ito nang maayos, panigurado.” Totoo ba ito? (Hindi.) Bakit hindi? Kung ang isang tao ay may tamang pananaw, sa parehong malalaking usapin at maliliit na usapin, anuman ang kanyang maging atas, at kung tama siya sa puso at marangal sa kalidad, at may integridad, at mapagkakatiwalaan, at moral sa pag-uugali, mahalaga iyon, at naiiba ito. Tinutugunan ng gayong mga tao ang anumang bagay ng kanilang moralidad at ng kanilang pagiging mapagkakatiwalaan. Kung sasabihin ng isang tao na walang moralidad at hindi karapat-dapat pagkatiwalaan, “Kung direkta akong aatasan ng Diyos ng isang bagay, siguradong mapapangasiwaan ko ito nang maayos,” magiging makatotohanan ba iyon? Magiging medyo labis at mapanlinlang ito. Paano ka magiging mapagkakatiwalaan sa iba nang walang konsensiya o katwiran? Tunog hungkag ang iyong mga salita—panlilinlang ang mga ito. Dating may dalawang maliit na aso ang sambahayan ng Diyos, para bantayan ang isang lugar. Isinaayos ang isang tao para bantayan ang mga ito, at inalagaan niya ang mga ito, at pinangasiwaan ang mga ito na parang sa kanya. Hindi masyadong mahilig sa mga aso ang taong iyon, pero inalagaan niya ang mga ito nang maayos. Kapag nagkasakit ang isang aso, ginagamot niya ito, at pinaliliguan niya ito, at pinakakain niya ito sa tamang oras. Maaaring hindi niya ginusto ang mga aso, pero tinanggap niya ang pag-aalaga sa mga aso bilang kanyang atas at responsabilidad. Hindi ba’t may isang bagay roon na dapat nasa pagkatao? Mayroon siyang pagkatao, kaya ginawa niya nang maayos ang bagay. Kalaunan ay ipinasa ang dalawang aso sa pangangalaga ng iba, at sa loob ng isang buwan, naging sobrang payat ng mga ito. Ano ang nangyari? Walang nagmalasakit o nakapansin nang nagkasakit ang mga aso, at nakaapekto ang kalungkutan ng mga ito sa gana nilang kumain. Ganoon nangayayat ang mga ito; ganoon inalagaan ng taong iyon ang mga ito. May pagkakaiba ba sa pagitan ng mga tao? (Oo.) Saan? (Sa kanilang pagkatao.) Naunawaan ba ng tao na maayos na nag-alaga sa mga aso ang ilang malaking bilang ng mga katotohanan? Hindi sa ganoon. At hindi sa nanalig sa mas maikling panahon sa Diyos ang tao na hindi maayos na nag-alaga sa mga aso. Bakit may malaking pagkakaiba sa kanilang dalawa? Dahil ito sa magkaiba ang karakter nila. Mapagkakatiwalaan ang ilang tao. Kapag nangako sila sa isang tao, mapananagutan nila ang sarili nila sa huli, gusto man nilang gawin ang bagay o hindi. Kapag tinanggap nila ang isang gawain, tiyak na magagawa nila ito, hakbang-hakbang. Tinutugunan nila ang tiwalang ipinagkakaloob sa kanila ng iba, at tinutugunan nila ang sarili nilang puso. Mayroon silang konsensiya, at sa pamamagitan nito, sinusukat nila ang lahat ng bagay. Walang konsensiya ang ilang tao. Mangangako sila at wala silang gagawin para tuparin ito pagkatapos. Hindi nila sinasabi, “Naniwala sila sa akin. Kailangan kong gawin ang bagay nang maayos, para mapanatili ang tiwala nila.” Hindi iyon ang puso na mayroon sila, at hindi sila ganoon mag-isip. Hindi ba’t iyon ay pagkakaiba sa pagkatao? Sabihin mo sa Akin, nahirapan ba ang tao na ginawa ito nang maayos? Hindi ito naging masyadong nakakapagod o napakahirap para sa kanya. Hindi siya nag-isip nang matindi para malaman kung paano gagawin nang maayos ang bagay, at hindi niya madalas na ipinagdasal ang bagay na iyon. Alam niya sa puso niya kung ano ang nararapat na gawin, kaya inako niya ang pasanin na iyon. Tinanggap din ng isang tao na ayaw akuin ang pasanin ang tungkulin, at nang ginawa niya ito ay naging abala ito sa kanya. Naiirita siya kapag tumatahol ang mga aso at pinagagalitan ang mga ito: “Tatahol ka pa ha? Tumahol ka pa at sisipain kita hanggang mamatay ka!” Wala bang pagkakaiba ng pagkatao rito? Mayroon, at malaki ito. Sa ilang tao, kapag inatasan mo sila ng isang bagay, nakaiinis ito sa kanila, isang abala, na iniiwan mo sila nang may kaunting kalayaan. “Ibang trabaho? Marami na akong dapat na gawin—hindi lang ako tatamad-tamad dito!” At kaya, gumagawa sila ng lahat ng uri ng mga dahilan para ipagsawalang-bahala ang bagay, para patawarin ang sarili nila sa hindi pagtupad sa kanilang responsabilidad. Wala silang konsensiya o katwiran, ni hindi nila sinusuri ang sarili nila, sa halip ay nangangatwiran at nagdadahilan para patawarin ang sarili nila sa kanilang mababang pagkatao. Ganito umasal ang mga taong may mababang pagkatao. Kaya bang pumasok ng gayong tao sa katotohanang realidad? (Hindi.) Bakit hindi? Hindi niya minamahal ang katotohanan, at hindi niya minamahal ang mga positibong bagay. Hindi ba’t iyon ang kaso? Hindi siya nagtataglay ng normal na pagkatao o ng realidad ng mga positibong bagay. Wala siya ng diwang iyon sa kalooban niya. Kaya, ano ang kaugnayan sa pagitan ng katotohanan at ng normal na pagkatao? Ano ang dapat na nasa loob ng pagkatao ng isang tao para makapasok siya sa katotohanang realidad at para maisagawa ang katotohanan? Dapat magkaroon muna siya ng konsensiya at katwiran. Anuman ang ginagawa niya, dapat siyang magkaroon ng tamang saloobin, tamang pag-iisip, at tamang pananaw. Sa pamamagitan lang ng mga ito maaaring magkaroon ang isang tao ng normal na pagkatao—at tanging sa pagtataglay lang ng normal na pagkatao maaaring matanggap at maisagawa ng isang tao ang katotohanan.
B. Ang Pangangasiwa ng mga Tao sa Kanilang mga Personal na Kapaligiran
Ang pangalawang aytem: ang pangangasiwa ng mga tao sa kanilang mga personal na kapaligiran sa pang-araw-araw na buhay. Aling bahagi ng normal na pagkatao kasama ang aytem na ito? (Ang sa kapaligirang pinaninirahan ng isang tao.) At ano ang binubuo niyon? Pangunahing binubuo ito ng dalawang malawak na bahagi: ang kapaligirang pinaninirahan ng isang tao na umaabot lang sa kanyang personal na buhay, at ang mga pampublikong kapaligiran na madalas niyang nakakasalamuha. At ano ang binubuo ng dalawang malawak na bahaging ito, sa partikular? Ang paraan ng pamumuhay ng isang tao, gayundin ang pangangalaga niya sa kalinisan at sa kanyang kapaligiran. Para mas himayin pa ito, ano ang bumubuo sa paraan ng pamumuhay ng isang tao? Trabaho at pahinga, diyeta, at mga bagay tulad ng pagpapanatili sa kalusugan ng isang tao sa pang-araw-araw, at karaniwang kaalaman tungkol sa pang-araw-araw na buhay. Magsisimula tayo sa una, trabaho at pahinga. Dapat lang gawin ang mga iyon sa isang regular at naka-iskedyul na paraan. Sa labas ng mga espesyal na kondisyon, tulad nang kapag kinakailangan sa trabaho ng isang tao na magpuyat siya o mag-overtime, ang trabaho at pahinga ay madalas na regular at naka-iskedyul. Iyon ang tamang paraan. May ilan na mas gustong gising sa gabi. Hindi sila natutulog sa gabi, pero abala sila sa lahat ng uri ng bagay. Hindi sila natutulog hanggang sa bumangon at magsimula na ang iba sa kanilang trabaho, sa madaling araw, at kapag natutulog na ang iba sa gabi, doon sila bumabangon at nagtatrabaho. Hindi ba’t may mga taong ganyan? Palaging hindi katugma sa iba, palaging nagiging espesyal—ang mga taong iyon ay hindi napakamakatwiran. Ang mga ritmo ng bawat isa ay dapat na karaniwang magkakatugma sa ilalim ng mga normal na kondisyon, sa kabila ng mga espesyal na kaso. Ano ang susunod? (Diyeta.) Ang mga kinakailangang pagkain ng normal na pagkatao ay madaling makamit, hindi ba? (Oo.) Madali ang isang ito. Gayumpaman, hindi ba’t ang mga tao ay may ilang nakalilinlang na pananaw sa diyeta? Sinasabi ng ilan, “Nananalig kami sa Diyos, at ang lahat ay nasa Kanyang mga kamay. Walang paraan ng pagkain na makapipinsala sa tiyan ng isang tao. Kakainin namin ang anumang gustuhin namin, sa aming kaginhawahan, nang malaya. Hindi ito isang isyu, pinoprotektahan tayo ng Diyos.” Hindi ba’t may mga taong may ganitong pagkaunawa? Hindi ba’t mayroong bagay na medyo baluktot dito? Abnormal ang ganoong pagkaunawa; ang mga mayroon nito ay hindi normal sa kanilang pag-iisip. May iba na napaghahalo ang normal at sentido komun na kaalaman para sa pamumuhay sa pagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa laman. Naniniwala sila na ang pagbibigay ng atensyon sa sentido komun na kaalaman para sa pamumuhay ay pagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa laman. Hindi ba’t may mga taong pinaniniwalaan iyon? (Mayroon.) Halimbawa, may mga taong may problema sa tiyan at hindi kumakain ng mga maanghang at nakapagpapasiglang bagay. May ilan na nagsasabi sa kanila, “Iyan ang kagustuhan mo sa pagkain; nagpapakita ka ng pagsasaalang-alang para sa laman. Kailangan mong maghimagsik laban dito. May mga lugar kang pupuntahan kung saan iyon ang pagkain, atkakailanganin mo itong kainin. Paanong hindi mo ito kakainin?” Hindi ba’t may mga tao na may ganoong uri ng pang-unawa? (Mayroon.) May ilang tao na hindi nakakakain ng isang partikular na bagay pero pinipilit na kainin ito, sa hindi nila kaginhawahan, para maghimagsik laban sa laman. Sinasabi Ko, “Hindi ka maaaring kumain nito kung ayaw mo. Walang kokondena sa iyo kung hindi mo ito kakainin.” Sinasabi nila, “Hindi, dapat ko itong kainin!” Sa kasong iyon, nararapat ang kanilang kawalan ng ginhawa. Sila mismo ang nagdulot nito sa sarili nila. Nagtakda sila ng mga regulasyon para sa sarili nila, kaya sila ang dapat na nagpapanatili ng mga ito. Mali ba ang hindi kainin ang bagay? (Hindi.) Hindi ito mali. Ang iba na may partikular na mga kondisyong pangkalusugan ay hindi hiyang sa ilang pagkain. Kailangan nilang iwasan ang mga bagay na iyon at huwag kainin ang mga ito. Ang ilan ay hindi hiyang sa mga sili, kaya hindi nila dapat kainin ang mga ito, pero ipinipilit nila ito. Patuloy nilang kinakain ang mga ito, naniniwalang iyon ang ibig sabihin ng maghimagsik laban sa laman. Hindi ba’t ito ay isang baluktot na pang-unawa? Iyon nga ito. Kung hindi sila angkop na kumain ng isang bagay, hindi nila ito dapat kainin. Bakit nila kinakalaban ang kanilang katawan? Hindi ba’t pagiging walang ingat iyon sa kanila? (Pagiging walang ingat ito.) Hindi kinakailangang sundin ang regulasyong iyon, o maghimagsik nang ganoon laban sa kanilang laman. Ang bawat isa ay may sarili nilang pisikal na kondisyon: ang ilan ay may masamang tiyan; ang ilan ay may mahinang puso; ang ilan ay mas mahina ang paningin; ang ilan ay madaling magpawis; ang ilan ay hindi kailanman nagpapawis. Iba-iba ang kondisyon ng bawat isa; dapat kang gumawa ng mga pagsasaayos batay sa iyong sarili. Maaaring suportahan ng isang pangungusap ang mga kasong ito: Matuto ng kaunting sentido komun sa buhay. Ano ang ibig sabihin ng “sentido komun” dito? Ibig sabihin nito na kailangan mong malaman kung ano ang nakakapinsala sa iyong kainin at kung ano ang mabuti para sa iyong kainin. Kung hindi masarap ang lasa ng isang bagay pero mabuti ito para sa iyong kalusugan, kailangan mo itong kainin, para sa kapakanan ng iyong kalusugan; kung malasa ang isang bagay, pero nagkakasakit ka kapag kinakain mo ito, huwag mo itong kainin. Sentido komun iyon. Higit pa riyan, dapat ding malaman ng mga tao ang ilang sentido komun na paraan para manatiling malusog. Sa apat na panahon ng taon, hayaan ang oras, klima, at panahon na magdikta sa mga bagay na iyong kinakain—isa itong pangunahing prinsipyo. Huwag mong labanan ang iyong katawan—ito ay isang kaisipan at pang-unawa na dapat magkaroon ang mga taong may normal na pagkatao. Ang ilang tao ay may enteritis at dumaranas ng pagtatae kapag kumakain sila ng mga nakakapagpasiglang pagkain. Kaya, huwag mong kainin ang mga iyon. Pero sinasabi ng ilan, “Hindi ako natatakot. Pinoprotektahan ako ng Diyos,” at nagdurusa sa pagtatae pagkatapos ng kanilang mga pagkain bilang resulta. Sinasabi pa nga nila na sinusubok at pinipino sila ng Diyos. Hindi ba’t kakatwa silang mga tao? Kung hindi sila kakatwa, mga kakila-kilabot na masiba sila na kumakain nang walang pagsasaalang-alang sa mga kahihinatnan. Ang gayong mga tao ay maraming isyu. Hindi nila makontrol ang gana nila, pero sinasabi na, “Hindi ako natatakot. Pinoprotektahan ako ng Diyos!” Kumusta ang pagkaunawa nila sa isyu? Baluktot ito; hindi nila nauunawaan ang katotohanan, pero pikit-mata nilang sinusubukang ilapat ito. May enteritis sila pero kumakain nang walang habas, at kapag nagtatae sila bilang resulta, para sabihin nilang sinusubok at pinipino sila ng Diyos—hindi ba’t iyon ay isang pikit-matang paglalapat ng mga regulasyon? Para sa gayong kakatwang tao na magsabi ng gayong basura—hindi ba’t iyon ay kalapastangan sa Diyos? Gagawa ba ng gawain ang Banal na Espiritu sa gayong katawa-tawang tao? (Hindi.) Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi mo dapat pikit-matang inilalapat ang mga regulasyon sa mga bagay-bagay. Walang pagpili bang isasailalim ng Diyos ang sinuman sa mga pagsubok? Tiyak na hindi. Ni hindi ka kuwalipikado para doon; wala roon ang iyong tayog—at kaya, hindi ka isasailalim ng Diyos sa mga pagsubok. Ang isang tao na hindi alam kung anong mga pagkain ang makakapagpasakit sa kanya ay isang tanga na may hindi maayos na pag-iisip. Mauunawaan ba ng mga taong hindi maayos ang pagkamakatwiran at pag-iisip ang mga layunin ng Diyos? Mauunawaan ba nila ang katotohanan? (Hindi.) Isasailalim ba ng Diyos ang gayong tao sa mga pagsubok? Hindi, hindi Niya gagawin. Ganoon ang mawalan ng katwiran at magsalita nang walang kapararakan. May mga prinsipyo sa pagsubok ng Diyos sa mga tao; ang mga ito ay nakadirekta sa mga taong nagmamahal sa katotohanan at naghahangad dito, sa mga taong gagamitin ng Diyos at makakapagpatotoo sa Kanya. Isinasailalim Niya sa pagsubok ang mga taong may tunay na pananampalataya na makakasunod sa Kanya at makakapagpatotoo sa Kanya. Walang sinumang naghahanap lang ng kaginhawahan at kasiyahan at hindi talagang naghahangad sa katotohanan, at tiyak na walang sinumang may baluktot na pagkaunawa sa mga bagay, ang may gawain ng Banal na Espiritu. Kung gayon, isasailalim ba sila ng Diyos sa mga pagsubok? Ito ay ganap na imposible.
Abot-kamay ng ilang tao ang mga halamang gamot ng Tsina o mga pagkaing pangkalusugan, na walang saysay nilang kinakain. Ang ilang babae ay naglalagay sa mukha nila ng mga bagay na pumuprotekta sa balat, na nagpapaputi at nagpapabatak dito. Gugugol sila ng dalawang oras araw-araw sa paglalagay ng makeup at tatlong oras sa pag-aalis nito, at sa huli ay sisirain ang balat nila hanggang sa hindi na ito makilala. Sasabihin pa nga nila, “Walang makakatalo sa natural na batas ng kagandahang kumukupas sa edad—tingnan mo na lang itong tumatanda kong balat!” Ang katunayan ay hindi sila magmumukhang napakatanda kung hindi nila patuloy na ginugulo ang mukha nila—ang paglalagay ng mga produktong iyon ang mismong nagpapatanda sa kanila. Ano ang masasabi mo roon? (Sila ang nagdulot nito sa sarili nila.) Tama lang sa kanila iyon! May ilang sentido komun na kaalaman para sa pamumuhay sa normal na pagkatao, at kailangang maarok ito ng isang tao, tulad ng karaniwang kaalaman tungkol sa pagpapanatili ng kanyang kalusugan at pag-iwas sa sakit: na ang malamig na paa ay nakapagdudulot ng pananakit ng likod, halimbawa, o kung paano dapat gamutin ang isang tao sa maagang pagsisimula ng farsightedness, o kung ano ang mga pinsala ng pag-upo ng masyadong matagal sa harap ng kompyuter. Dapat medyo maunawaan ng isang tao ang tungkol sa gayong sentido komun na pangangalaga para sa kanilang kalusugan. Maaaring sabihin ng ilan, “Para manalig sa Diyos, dapat mo lang basahin ang Kanyang mga salita. Ano ang silbi ng pag-aaral ng lahat ng sentido komun na bagay sa pangangalagang pangkalusugan? Itinakda ng Diyos ang haba ng buhay ng isang tao; walang anumang kaalaman sa pangangalagang pangkalusugan ang makapagdudulot ng anumang kabutihan. Kapag oras mo nang mamatay, walang makapagliligtas sa iyo.” Parang tama ito kung pakikinggan, pero sa katunayan, medyo kakatwa ito. Ito ay isang bagay na sinasabi ng isang taong walang espirituwal na pang-unawa. Natututo silang magbulalas ng mga lumang salita at doktrina at parang espirituwal, gayong sa katunayan, wala talaga silang anumang dalisay na pag-arok. Pikit-mata nilang tinatangkang ilapat ang mga regulasyon kapag may nangyayari sa kanila, nagsasalita nang maganda hangga’t kaya nila, nang hindi nagsasagawa ng anumang katotohanan. Maaaring sabihin ng ilang tao sa kanila na pampalusog ang ginataang mais, halimbawa, na ito ay mabuti para sa kalusugan. Hindi nila mauunawaan iyon. Pero sa sandaling marinig nilang sinasabi ng isang tao na nakakapagpalusog ang nilagang baboy, kakainin nila ito hanggang sa mabusog sila sa susunod na makita nila ito, sinasabi kahit habang ngumunguya sila, “Ano ang magagawa ko? Kailangan ko itong kainin; para ito sa kalusugan ko!” Hindi ba’t mapanlinlang na bagay na sabihin ito? (Mapanlinlang ito.) Panlilinlang ito. Para taglayin kung ano ang dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao, para malaman kung ano ang dapat malaman ng mga tao, para malaman kung ano ang dapat malaman sa yugto ng buhay na tumutugma sa iyong edad—ganyan ang pagkakaroon ng normal na pagkatao. Ang ilang tao na may dalawampung taong gulang ay kumakain nang walang pagpili. Kakain sila ng mga kubito ng yelo sa isang maginaw na araw. Natatakot ang mga nakatatandang nakakakita niyon, at hinihimok silang huminto, sinasabi sa kanila na sasakit ang kanilang tiyan. “Sakit ng tiyan? Magiging ayos lang ako” sabi nila, “Tingnan mo ako: Nasa pinakamalakas na pisikal na kondisyon ako!” Wala silang alam sa mga ganitong bagay sa edad nila. Hintayin mo hanggang may apatnapung taong gulang na sila; bigyan mo sila ng kubito ng yelo para kainin. Kakainin ba nila ito? (Hindi.) At kapag animnapu na sila, kalimutan na ang pagkain ng yelo—matatakot silang lumapit dito. Magiging labis ang lamig nito para sa katawan nila. Karanasan ang tawag diyan—pag-aaral ng mga aral sa buhay. Kung hindi pa rin alam ng isang taong animnapung taong gulang na hindi makakayanan ng kanyang tiyan ang napakaraming kubito ng yelo, na hindi kaya ng kanyang katawan ang mga ito, na makapagdudulot ito sa kanya ng sakit, ano ang tawag doon? Nagkukulang ba siya sa normal na pagkatao? Nagkukulang siya sa ipinamuhay na karanasan. Kung hindi pa rin alam ng isang taong animnapung taong gulang na masama ang lamig para sa likod, na nagdudulot ng pananakit ng likod ang malamig na paa, paano kaya siya nabuhay sa may animnapung taon na iyon? Malamang ay iniraos lang niya ang mga ito. Nauunawaan ng ilang tao ang maraming sentido komun na bagay tungkol sa buhay sa oras na nasa apatnapung taong gulang na sila: sentido komun na kaalaman sa kalusugan, halimbawa; at mayroon silang ilang tamang pananaw tungkol sa mga materyal na bagay, pera, at trabaho, at tungkol sa kanilang mga kamag-anak, at mga usapin sa mundo, at buhay, at iba pa. May dalisay silang pang-unawa sa mga bagay na ito, at kahit na hindi sila nananalig sa Diyos, mas nauunawaan pa rin nila ang mga bagay na ito kaysa sa mga nakababata sa kanila. Ito ang mga taong may pagpapahalaga sa tama at mali, na may normal na pag-iisip. Sa dalawang dekadang ipinamuhay nila simula noong sila ay nasa edad dalawampu, naunawaan na nila ang maraming bagay, ang ilan ay malapit sa katotohanan. Ipinapakita nito na sila ay mga tao na may kakayahang makaarok, mga taong may mahusay na kakayahan. At kung sila ay taong naghahangad sa katotohanan, mas magiging mabilis ang pagpasok nila sa katotohanang realidad, dahil marami silang naranasan sa loob ng dalawampung taon na iyon, at nagkamit ng ilang positibong bagay. Magiging kapareho ng mga karanasan nila ang katotohanang realidad na binabanggit ng Diyos. Gayumpaman, kung marami ang kulang sa pagkatao ng taong iyon, at wala siyang mga tamang pananaw, o ang pag-iisip ng normal na pagkatao, lalong wala ng katalinuhan ng normal na pagkatao tungkol sa buhay, at tungkol sa mga tao, pangyayari, at bagay na lumabas sa dalawampung taon na iyon, walang kabuluhan ang naging buhay niya noong mga taong iyon. Sa ilang lugar na napuntahan Ko, nalaman Ko na hindi marunong magluto ang ilan sa mga nakatatandang kapatid na babae. Ni hindi sila makapagplano ng balanseng pagkain. Gumagawa sila ng sabaw mula sa dapat iprito, at piniprito ang dapat ilagay sa sabaw. Nagbabago ang mga prutas at gulay sa mga pagbabago ng panahon, pero palaging ang ilang magkakaparehong pagkain ang nasa hapag nila. Ano ang nangyayari doon? Iyon ay tunay na kawalan ng katalinuhan, hindi ba? Wala silang kakayahan ng normal na pagkatao. Ni hindi nila kayang lutuin ang iba’t ibang pagkain na nakikita nila sa kanilang pang-araw-araw na buhay, mga bagay tulad ng repolyo at patatas. Hindi nila nagagawa ang mga pinakasimpleng gawain at hindi nila naisasakatuparan ang mga ito. Paano nila iniraos lang ang nakalipas na limampu o animnapung taon? Talaga bang walang hiningi ang puso nila sa kanilang buhay? Kung hindi nakakakuha ng karanasan ang isang tao mula sa anumang bagay na kanyang ginagawa, anong tungkulin ang magagawa ng ganoong tao? Ang katunayan ay kayang matuto ng mga tao na gumawa ng mga bagay-bagay, kung ilalapat lang nila ang sarili nila at magsasanay nang ilang sandali. Kung wala pa ring kayang gawin ang isang tao pagkatapos ng ilang taon ng pag-aaral, ang kanyang talino at kakayahan ay malamang kakila-kilabot!
Pag-usapan natin ngayon nang bahagya ang tungkol sa pamamahala sa kalinisan. Kamakailan ay nagtungo Ako sa dalawang lugar kung saan napakarumi ng mga kapaligiran ng mga bahay. Dating medyo maayos ang lahat ng naroon, kaya paano naging mga “kulungan ng baboy” ang mga lugar na iyon? Ang dahilan ay hindi alam ng mga tao roon kung paano pangangasiwaan ang mga bagay-bagay. Wala silang kamalayan ng normal na pagkatao at ng mga hinihingi para sa kalinisan. Hindi lang ito dahil tamad sila; higit pa riyan, nasanay na silang mamuhay sa gayong mga kondisyon. Itinatapon nila ang basura sa lapag at inilalagay ang mga bagay-bagay kung saan-saan, nang walang panuntunan o paghihigpit. Kapag nilinis na nila ang isang lugar, napananatili lang nila itong malinis sa loob ng isa o dalawang araw; makalipas ang ilang araw, sa sobrang gulo at dumi nito ay masakit na ito sa matang tingnan. Sabihin mo sa Akin, ano ang tawag sa ganitong kapaligiran? At ang mga tao roon ay maayos na nakakakain at nakatutulog sa gayong mga kondisyon—anong mga tao ang mga iyon? Para silang mga baboy, hindi ba? Wala silang kamalayan at wala silang nauunawaan sa kalinisan, sa kanilang kapaligiran, sa estruktura, sa pamamahala. Hindi nila napapansin ito, gaano man ito maging madumi o magulo. Hindi sila nito naaabala; hindi sila nag-aalala at hindi nababahala sa mga ito. Patuloy silang namumuhay katulad nang dati, hindi partikular at walang mga hinihingi. Pinangangalagaan nang mabuti ng ilang lugar ang kanilang kalinisan at kapaligiran, at aakalain mo na nagmamalasakit ang mga tao roon sa kalinisan, na alam nilang pamahalaan ang kanilang kapaligiran—pero walang nakakaalam hanggang sa isang sorpresang inspeksiyon na nagpapadala sila ng mga tao bago ang mga inspeksiyon para linisin ang lugar. Kung sasabihin mo sa kanila na darating ka nang mas maaga, garantisadong magiging malinis ang lugar; kung pupunta ka nang hindi sila inaabisuhan, ibang kapaligiran ang makikita mo, isa na siguradong marumi at magulo. Ang mga silid ng ilan sa mga batang babae ay may mga damit at sapatos na nakakalat, at sa labas, ang mga kagamitan sa trabaho tulad ng asarol at piko ay nakatambak kasama ng mga damit. Maaaring sabihin ng ilan doon na naging masyado silang abala kaya wala silang oras para maglinis. Ganoon ba sila naging kaabala? Wala na ba silang panahon para huminga? Kung wala, naging abala nga talaga sila—pero siguradong hindi pa rin sila naging ganoon kaabala? Ano ang napakahirap sa pamamahala sa kanilang espasyo? Ano ang nakakapagod sa pagpapanatili ng isang malinis at maayos na kapaligiran? May kinalaman ba ito sa pagkatao? Bakit gustong-gusto ng mga tao na manirahan sa “kulungan ng baboy”? Bakit sila magiging komportable sa ganitong kapaligiran? Paanong ganap silang hindi tumutugon sa gayong mga kapaligiran? Ano ang nangyayari roon? Ano ang sanhi ng mga hindi maayos na napamahalaang kapaligiran? Kung pupunta Ako sa isang lugar paminsan-minsan at sasabihin sa kanila nang maaga, lilinisin nila ito nang sobra, pero titigil sila sa paglilinis kung madalas Akong pupunta roon. Sasabihin nila, “Madalas Kang narito, kaya huwag na tayong maging pormal. Ganito lang talaga kami. Nakakapagod ang maglinis palagi! Sino ang may lakas? Masyado kaming abala sa trabaho buong araw, ni wala kaming oras para magsuklay ng buhok!” Nangangatwiran sila nang ganito. At ano pa ang ibang ikinakatwiran nila? “Ang lahat ng ito ay pansamantala. Hindi natin kailangang ayusin ito nang perpekto. Ayos na ang ganito.” Sa katunayan, ang lahat ay pansamantala—pero kahit na naninirahan ka sa isang tolda, kailangan mo pa ring asikasuhin ito, hindi ba? Iyan ay normal na pagkatao. Kung wala kang kaunting normal na pagkatao na iyon, gaano ka naiiba sa mga hayop?
May isang iglesia sa sambahayan ng Diyos na sadyang maganda ang kinalalagyan, malapit sa mga bundok at tubig. Isang kalsada ang ginawa roon, at nakahanay ang mga puno sa kalapit na ilog. May gazebo pa nga ito, na may mga pampalamuting bato sa tabi nito. Talagang napakaganda nito. Isang araw, nakita Ko mula sa malayo ang isang maliit at dilaw na bagay roon sa malinis na kalsadang iyon. Paglapit Ko, nakita Kong balat iyon ng dalandan. Sino ang nakakaalam kung sino ang kaswal na nagtatapon ng mga basura nila roon. At sa gazebo, na naging malinis din, may kumakain ng buto ng sunflower at nagtatapon ng mga balat sa buong lapag. Sabihin mo sa Akin, ang taong iyon ba ay isang taong nakakaalam sa mga patakaran? Sa normal na pagkatao, may hinihingi bang mga pamantayan para sa kalinisang pangkalusugan at kapaligiran ng isang tao, o wala? Maaaring sabihin ng ilan, “Paanong wala akong mga pamantayan? Naghuhugas ako ng mga paa ko tuwing gabi. Hindi ito ginagawa ng ilang tao. Ang ilang tao ay hindi man nga lang naghihilamos kapag bumabangon sila sa umaga.” Maaaring malinis ang iyong mga paa, sige, pero bakit parang kulungan ng baboy ang kapaligiran mo sa trabaho? Ano ang halaga ng kalinisan mo? Sa pinakamabuti, ipinapakita nito na napakamakasarili mo. Gusto mong pangasiwaan ang lahat ng bagay—paano ka magiging dalubhasa sa lahat ng bagay, kung hindi mo kayang pamahalaan ang isang compound? Iyan ay walang kahihiyan, talaga! Hindi lang ang kapaligiran nila ang hindi kayang pamahalaan ng mga taong ito—hindi nga rin nila kayang pamahalaan ang sarili nilang kalinisang pangkalusugan, at nagtatapon ng mga basura sa lapag. Paano nila nabuo ang ganitong gawi? Maaari nilang pangatwiranan ang paghahagis ng mga balat ng prutas sa lupa sa pagtawag dito na compost. Bakit hindi ilagay ang mga ito sa isang compost heap o basurahan, kung gayon? Bakit itatapon ang mga ito sa kalsada o sa gazebo na iyon? Ang gazebo ba ay isang lugar para ilagay ang compost? Hindi ba’t iyon ay pagsasawalang-bahala sa mga patakaran? (Pagsasawalang-bahala iyon.) Isa itong kahila-hilakbot na kawalan ng pagkatao, katwiran, at mga moral—mga hamak silang tao! Sabihin mo sa Akin, may paraan ba para malutas ang isyung ito? Paano ito mapipigilan? Magiging epektibo ba ang pangangasiwa? Sino ang maaaring magbantay sa mga bagay-bagay? Ano ang dapat gawin? (Multahan sila.) Oo, iyon ang huling paraan. Dapat magkaroon ng isang maayos na sistema. Wala nang ililigtas sa pagpaparusa. Sadyang napakasalaula ng mga taong ito—hindi na sila magbabago! Sa ilang lugar, may mga bulok na kahong karton, bulok na tabla, at mga pira-pirasong papel na nagkalat, at sinasabi ng mga tao roon na tinatago nila ang mga ito para magamit sa ibang pagkakataon. Ipagpalagay na kapaki-pakinabang ang mga bagay na ito, bakit hindi ayusin ang mga ito ayon sa uri, sa mga maayos na salansan? Hindi ba’t mas magmumukhang maganda iyon at kakain ng mas kaunting espasyo? Hindi alam ng karamihan sa mga tao ang tungkol sa pamamahala. Ang mga bagay ay nakasalansan at nagkalat nang pabasta-basa sa kanilang mga lugar, kaya’t walang libreng espasyo. Nagiging mas magulo ang mga tambak habang dumarami ang mga ito, at kasama ng pagiging makalat ang dumi, hanggang sa nagiging isang tambakan ng basura ang lugar, nakapandidiri sa lahat ng nakakakita nito. May normal na pagkatao ba ang mga taong naninirahan sa gayong mga kapaligiran? Mga tao ba sila na may kakayahan, kung hindi man lang nila kayang pamahalaan ang kapaligirang pinaninirahan nila? Anong pagkakaiba ang nananatili sa pagitan ng gayong mga tao at ng mga hayop? Bahagi ng dahilan kung bakit hindi alam ng karamihan ng mga tao kung paano pamahalaan ang mga lugar na pinaninirahan nila ay dahil walang sinuman ang may kamalayan sa kalinisang pangkalusugan, at walang sinumang nakakaalam kung paano pamahalaan ang kanilang kapaligiran. Hindi nila naiisip ang mga bagay na ito, at hindi nila alam kung paano dapat ang pinaninirahang kapaligiran ng mga tao. Para silang mga hayop, walang kamalay-malay sa uri ng kapaligirang dapat nilang pinaninirahan. Ang kabilang bahagi ay may kinalaman sa mga tagapamahala na hindi alam kung paano pamahalaan ang mga bagay na ito. Hindi alam ng mga tagapamahala kung paano pamahalaan ang mga bagay na ito, at hindi maagap at walang alam sa mga bagay na ito ang mga pinamamahalaan. Sa huli, sa “pakikipagtulungan” ng lahat, ang lugar ay nagiging “kulungan ng baboy.” Kapag matagal nang nananatili ang mga taong ito sa isang lugar, umaalis Ako sa lugar na ito na may partikular na damdamin: “Bakit hindi kailanman naging malinis ang lugar na ito? Bakit parang kailanman ay hindi ito naging isang tahanan?” Sabihin mo sa Akin, nakapagpapasaya ba sa isang tao ang makakita ng ganoong lugar? (Hindi.) Bubuti ba ang pakiramdam ninyo kapag nagpunta kayo roon? (Wala kaming masyadong magiging damdamin tungkol dito.) Iyon ang magiging tunay ninyong tugon—walang masyadong damdamin. Inilatag Ko ang mga plano para sa ilan sa mga lugar na iyon, at nang matapos ang gawain at naayos muli ang mga bagay, nasiyahan ang lahat sa tanawin. Pero makalipas ang ilang araw, magulo na naman ang mga bagay. Kailangan Kong humanap ng isang taong angkop na mamamahala sa gawain, kung papanatilihin ang kalinisang pangkalusugan. Iyon ay dahil karamihan sa mga tao ay napakarumi, ginugulo ang anumang trabaho na ginagawa nila. Ang ilang tao ay kumukuha ng mga gulay at hindi alam ang tamang lugar para hugasan ang mga ito. Ipinipilit nilang maghanap ng malinis na lugar para gawin ito, na nagpaparumi sa lugar na iyon bilang resulta. Ano ang mararamdaman mo kapag nakita iyon? Hindi ba’t isang kawan ng mga hayop ang mga taong ito? Wala silang pagkatao! Ang tingnan ang mga taong ito, na walang pakialam sa kalinisang pangkalusugan at hindi alam kung paano pamamahalaan ang kanilang kapaligiran—gagalitin ka nito! Binigyan ang mga taong ito ng magandang kapaligiran para tirhan, na ang lahat ay inayos nang maganda. Ang lahat ng uri ng bulaklak at damo ay tumutubo sa tagsibol; mayroon silang mga bundok, tubig, isang gazebo; may mga lugar sila para magtrabaho, at mga lugar para tirhan, at lahat ng uri ng pasilidad. Kay ganda naman! Pero ano ang nangyari dito? Binalewala nila ito; hindi nila pinahalagahan ang kabutihan. Naisip nila, “Mas magandang lugar ito kaysa sa karamihan, pero parang kanayunan ito. Ang lupa ay walang iba kundi mga damo at putik.” Sa pag-iisip na iyon, walang pakundangan nilang ibinasura ang lugar. Hindi nila inisip na pamahalaan ang kanilang kapaligiran. Gaano karaming bagay ang wala sa gayong pagkatao! Hindi nito tinataglay ang mga bagay na dapat taglayin ng pagkatao; hindi man lang mapanatili ng mga taong iyon ang iba’t ibang aspekto ng kapaligirang pinaninirahan nila sa mga pinakapangunahing paraan. Sabihin mo sa Akin, paanong hindi naiisip ng mga tao na pahalagahan ang napakagandang kapaligiran kung saan sila naninirahan? Paanong hindi nila naiisip na pangalagaan ito? Bakit? Sa sobrang abala ba nila sa kanilang mga tungkulin ay kulang sila sa oras? O ano pa ang nangyayari sa kanila? May sinuman bang hindi abala sa kanyang mga tungkulin? May ilang naninirahan sa mas masahol na kapaligiran kaysa sa inyo, pero talagang pinangangalagaan nila ang kanilang espasyo. Nakikita ito ng mga tao at inaaprubahan sila ng mga ito, nang may paghanga at pagpapahalaga sa kanila. At pagkatapos, nariyan ang inyong kapaligirang pinaninirahan—hindi na nga kailangang pumasok ang iba sa loob; kukutyain ka na nila isang tingin pa lang sa panlabas nito. Hindi ba’t sariling gawa mo ito? Ang iyong mga kilos at pag-uugali ang nagdulot ng kalunos-lunos na nanlilimahid na kapaligirang pinaninirahan mo. Kapag nakikita ng mga tao ang kapaligirang pinaninirahan mo, parang nakikita na rin nila ang diwa mo. Masisisi mo ba sila sa pang-aalipusta nila sa iyo? Hindi napagdedesisyunan ng pagtatasa ng iba kung ang tao ay mataas o mababa, marangal o hamak, kundi sa kung ano mismo ang isinasabuhay niya. Kung tinataglay mo ang mga bagay ng normal na pagkatao, maisasabuhay mo ang tunay na wangis ng tao. Maipakikita mo ang iyong marangal na kalidad, at natural na itatangi at pahahalagahan ka ng iba. Kung hindi mo tinataglay ang mga bagay na iyon, at hindi mo nauunawaan ang sentido komun na kalinisang pangkalusugan, at hindi mo alam kung paano pangangalagaan ang iyong kapaligiran, nabubuhay araw-araw sa isang “kulungan ng baboy” at sadyang nasisiyahan dito, ibinubunyag niyon ang iyong malahayop na kalidad. Nangangahulugan ito na ikaw ay hamak at mababa. Ang gayong hamak at mababang tao, na may gayong hamak at mababang pagkatao, na walang ni katiting na pag-iisip, mga pananaw, mga hinihingi, at paghahangad na dapat taglayin ng normal na pagkatao—kung wala ang alinman sa mga iyon, mauunawaan ba ng gayong tao ang katotohanan? Makakapasok ba sila sa katotohanang realidad? (Hindi.) Sa tingin rin ninyo hindi nila ito magagawa? Bakit hindi? Sasabihin ng ilan, “Matagal na naming inalis sa aming sarili ang lahat ng makamundong bagay na iyon sa mga taon namin ng pananalig sa Diyos. Wala kaming pakialam sa mga bagay na iyon! ‘Pamumuhay nang may kalidad’—makamundong bagay iyon!” Wala bang mga taong nagsasabi nito? Makamundong bagay ba, kung gayon, ang hanging nilalanghap mo? Ang mga damit na isinusuot mo, ang lahat ng materyal na bagay na ginagamit mo—mga makamundong bagay ba ang mga ito? Bakit hindi ka maghanap ng anumang lugar sa labas para magtipon? Bakit magtitipon sa isang silid? Hindi ba’t kakatwa ang mga taong nagsasabi nito? May sasabihin Ako sa iyo na isang katunayan: Kung gusto ng gayong tao na pumasok sa katotohanang realidad, magiging mahirap iyon para sa kanya. Kung nais ng isang tao na pumasok sa katotohanang realidad, dapat muna siyang magtaglay ng normal na pagkatao; higit pa riyan, dapat niyang iwaksi ang masasamang gawi sa kanyang buhay, para hangarin ang isang bagay na may estilo at layunin sa buhay na may kalidad, mabuting asal, at moralidad. Angkop na paraan ba para sabihin ito? Kung gayon, madali bang itama ang mga problemang ito? Gaano katagal bago baguhin ang paraan ng pamumuhay ng isang tao at alisin ang masamang gawi sa kanyang buhay? Anong paraan ang dapat gamitin para hangga’t maaari ay makapasok dito nang mas mabilis? Anong mga pamamaraan ang mayroon, maliban sa pagpaparusa? (Kapwa pangangasiwa.) Ang kapwa pangangasiwa ay isang pamamaraan; nasa mga tao na kung tatanggapin nila ito. Sa nakikita Ko, ang pagmumulta ay isang makapangyarihang hakbang, at talagang epektibo ito. Sa sandaling banggitin mo ang pagpapataw ng mga multa, naaapektuhan mo ang mga interes ng mga tao. Wala silang magagawa kundi ang sumunod, sa takot na baka magdusa ang kanilang mga interes. Iyan ang naisasakatuparan ng pagmumulta. Pero bakit walang anumang naisasakatuparan ang pagbabahagi ng katotohanan sa mga taong iyon? Dahil wala silang normal na pagkatao o ng mga kinakailangang kondisyon para tanggapin ang katotohanan. Kaya naman hindi isang epektibong paraan sa kanila ang pagbabahagi ng katotohanan. Sa anumang kapaligiran sa trabaho, matuto munang pagbukud-bukurin ang mga bagay ayon sa uri, pangalawa panatilihin ang pagiging maayos, pangatlo panatilihin ang kalinisang pangkalusugan at kalinisan, at pagkatapos, higit pa rito, linangin ang gawi ng paglilinis ng basura. Iyan ang dapat taglayin ng normal na pagkatao.
May ilang babae na nagsusuklay ng buhok at lumalabas, nang hindi muna winawalis ang mga nalagas na hibla. Ginagawa nila ito araw-araw. Mababago ba ang ganitong gawi? Kapag tapos ka nang magsuklay, dapat kang maglinis at mag-ayos agad. Huwag hayaang linisin ito ng iba—pamahalaan mong mabuti ang iyong kapaligiran. Kung nais mong pamahalaan ang iyong kapaligiran nang maayos, dapat kang magsimula sa iyong sarili. Linisin mo muna ang sarili mong espasyo. Bukod pa riyan, dapat maging may pagpapahalaga sa lipunan ang isang tao tungkol sa mga pampublikong kapaligirang kanyang pinaninirahan. Dapat bigyan ng responsabilidad ang lahat para pamahalaan ang mga lugar kung saan naninirahan at nagpapahinga ang mga tao, halimbawa. Kung makakita ka ng ilang hiwa ng balat ng dalandan sa lapag, pulutin mo lang ang mga ito at itapon sa basurahan. Sa ilang lugar ng trabaho, may mga tapyas ng kahoy, pulbos ng kahoy, bakal na baras, at mga pako sa buong lugar kapag tapos na ang trabaho. Pumunta ka roon, at madali kang makakatapak ng pako kung hindi ka mag-iingat. Lubhang mapanganib ito. Bakit hindi nila lilinisin at gagawing malinis ang mga bagay kapag nagawa na nila ang trabaho nila? Anong klaseng pangit na gawi yan? Sa paggawa nito, maipaliliwanag ba nila ang sarili nila? Ano ang iisipin ng mga tao, na makakita ng ganitong magulo at maruming lugar ng trabaho? Hindi ba’t ganyan ang ginagawa ng mga hayop sa kanilang mga trabaho? Ang mga taong may pagkatao ay dapat maglinis nang mabuti kapag tapos na sila sa isang trabaho at malalaman ng iba sa isang sulyap na ang trabaho ay ginawa ng mga tao. Hindi naglilinis ang mga hayop pagkatapos ng mga itong gumawa ng trabaho, na parang ang paglilinis ay hindi para sa mga ito at walang kinalaman sa mga ito. Anong klaseng lohika iyan? Nakakita na Ako ng higit sa ilang tao na hindi naglilinis pagkatapos nilang gumawa ng trabaho. Lahat sila ay may ganitong masamang gawi. Sinabi Ko sa kanila iyon araw-araw, na kapag tapos na ang kanilang mga trabaho, dapat isaayos nila na may isang tao na maglilinis ng lahat ng basura. Maglinis araw-araw. Sa ganoong paraan, magiging malinis ang lugar. Dapat nilang linangin ang ganoong gawi. Para maglinang ng isang gawi sa buhay, dapat magsimula sa pagpapanatili ng isang kapaligiran, pagkatapos ay maghintay na masanay rito. Pagkatapos isang araw, kapag nagbago ang kapaligirang iyon, sila mismo ay makakaramdam ng pagkabalisa na makitang may bagay na marumi. Katulad lang ito sa ilang tao na nanirahan sa ibang bansa sa loob ng tatlo o limang taon, na iniisip na mas mabuti ang lahat doon. Darating ang araw na babalik sila sa kanilang bayan, at mararamdaman nila na bigla silang naging magarbo. Titingnan nila nang may pangungutya ang iba na walang pakialam sa kalinisang pangkalusugan, sa mga taong marumi ang mga bahay. Ni hindi nila maaatim na hindi maligo nang ilang araw. Hindi ba’t ang kapaligiran nila ang nagdikta nito? Ganoon iyon gumagana. Kaya, dapat kang magsimula sa pamamahala sa sarili mong kalinisang pangkalusugan at ng iyong kapaligiran. Iyan ang paraan para kumportable mong magawa ang iyong tungkulin; ito rin ang dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Sa ilang lugar na napuntahan Ko, nakakita na Ako ng mga kuwarto ng mga babae na sobrang dumi, na magulo. Maaaring sabihin ng ilan, “Gusto Mong maging maayos kami; dapat bang parang nasa kampong militar?” Hindi na kailangan ang lahat ng iyon. Ayusin mo ang iyong higaan at linisin mo ang iyong silid araw-araw. Panatilihin ang kalinisan. Ugaliin ito. Kung gagawin mo ang mga bagay na ito araw-araw, at magiging gawi ang mga ito, isang pamantayan at awtomatiko tulad ng pagkain, nalinang mo ang ganitong uri ng pang-araw-araw na buhay na gawi, at ang mga hinihingi mo para sa iyong kapaligiran ay tataas ng isang antas. At kapag tumaas ang mga ito sa antas na iyon, ang iyong buong tindig, ang iyong mental na pananaw, ang iyong panlasa, ang iyong pagkatao, at ang iyong dignidad ay itataas lahat. Pero kung naninirahan ka sa isang “kulungan ng baboy,” isang lugar na hindi para sa mga tao, kundi mas parang pugad ng isang hayop, hindi ka nagtataglay ng wangis ng tao. Sa pagpasok sa silid, halimbawa, ang ilang tao, na nakikita na malinis ang silid at ang sahig nito, ay papagpagin sandali sa labas ang dumi mula sa kanilang mga sapatos. Magiging marumi pa rin ang pakiramdam nila, kaya’t maghuhubad sila ng kanilang mga sapatos bago pumasok sa silid. Kapag nakita ng may-ari ng silid kung gaano sila kalinis at kagalang sa kanya, igagalang din niya sila. Ang ibang tao ay tuloy-tuloy lang sa pagpasok, na may mga sapatos na puno ng putik, at na hindi iniisip na magkakaputik sa sahig. Ganap na wala silang malay rito. Nakikita ng may-ari ng silid na likas silang walang pakialam sa mga tuntunin. Masama ang tingin niya sa kanila, at kaya, kinukutya niya sila, at hindi na niya sila papapasukin sa silid sa hinaharap. Paghihintayin niya sila sa labas, at narito ang ipahihiwatig nito: “Hindi ka karapat-dapat na pumasok sa loob—dudumihan mo ang lugar kung papasok ka, at mahabang oras ang gugugulin ko para linisin ito!” Hindi niya sila igagalang. Kapag nakita niyang hindi sila nagtataglay ng wangis ng tao, ni hindi niya sila igagalang. Kung ang isang tao ay umabot sa puntong ito ng buhay niya, tao pa rin ba siya? Ang isang alagang hayop ay mas mabuti pa kaysa sa kanya. Kaya, dapat isabuhay ng mga tao ang wangis ng tao para matawag na tao, at dapat silang nagtataglay ng normal na pagkatao para maisabuhay ang wangis ng tao. Saanman naninirahan ang isang tao, anuman ang tungkuling ginagawa niya, dapat siyang sumunod sa mga patakaran. Dapat niyang pangalagaan ang kanyang espasyo at kalinisang pangkalusugan, at magkaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad, at magkaroon ng magagandang gawi sa buhay. Dapat na maging maasikaso at seryoso siya sa lahat ng kanyang ginagawa, at panatilihin ito hanggang sa magawa niya ang bagay nang maayos at naaayon sa pamantayan. Sa ganitong paraan, makikita ng mga tao sa pagganap mo ng iyong tungkulin at sa paraan ng pakikitungo mo sa iba at sa mga bagay-bagay na ikaw ay matuwid at disente, isang mabuting tao. Makakaramdam sila ng paghanga sa iyo, at natural na igagalang ka nila. Pahahalagahan at itatangi ka rin nila, at kaya hindi ka nila lolokohin o aapihin. Makikipag-usap sila sa iyo nang seryoso, nang walang anumang pangungutya o panghahamak. Hindi Ko alam kung paano Ako nakikita ng mga tao, pero may pakiramdam Ako: Kapag nakakatagpo Ko ang karamihan ng tao, hindi sila nagbibiro o nagsasalita nang walang kabuluhan. Hindi Ko alam kung bakit ganoon. Maaaring may pakiramdam ang mga tao: “Napakaseryoso Mong tao, at seryoso Ka rin sa Iyong pananalita at mga kilos. Isa Kang matuwid na tao; hindi ako mangangahas na makipagbiruan sa Iyo kapag nakikipag-ugnayan ako sa Iyo. Malinaw sa unang tingin na hindi Ka ganoong uri ng tao.” Kung, kapag pumupunta ka sa isang lugar at nakikipag-usap sa mga tao, nakikipagsatsatan sa mga tao, nakikipag-ugnayan sa mga tao, pakiramdam nila na may isang bagay riyan sa iyong pagkatao at moralidad—maaaring hindi nila masabi nang malinaw kung ano ito, pero malalaman mo kung ano ang mga iniisip mo sa bawat araw, at palagi kang magkakaroon ng mga prinsipyo at pamantayan kung paano mo tinitingnan ang mga bagay-bagay at kung paano ka nakikipag-ugnayan sa mga tao—kung ganyan ka nakikihalubilo at nakikipag-ugnayan sa iba, sasabihin nilang ikaw ay napakaingat, napakaseryoso at maingat sa lahat ng iyong ginagawa, ibig sabihin ay napakamaprinsipyo mo. Anong damdamin ang mapupukaw nito sa kanila sa huli? Pag-isipan mo iyon nang dahan-dahan. Kung nasangkapan ka sa iyong pag-asal ng mga bagay na dapat taglayin ng mga may normal na pagkatao, hindi mahalaga kung paano ka maaaring tasahin ng mga tao sa iyong likuran. Kung pakiramdam nila, sa kaibuturan ng kanilang puso, na isa kang matuwid, maingat na tao, isang tao na may seryoso, responsableng saloobin sa lahat ng bagay, na marangal sa katangian, pagkatapos makihalubilo at makipag-ugnayan sa iyo nang sandali, sasang-ayunan at pahahalagahan ka nila. At pagkatapos, magkakaroon ka ng halaga bilang isang tao. Kung, pagkatapos na makihalubilo sa iyo nang ilang sandali, nakita nilang wala kang ginagawang anuman nang maayos, na ikaw ay tamad at matakaw, ayaw matuto ng anuman, na ang iyong mga pamantayan ay higit sa iyong mga kakayahan, na ikaw ay sadyang ganid at makasarili—at higit pa, na wala kang pakialam sa kalinisang pangkalusugan, at hindi iniisip na pangalagaan ang iyong kapaligiran; kung nakikita nila na hindi mo alam kung paano gawin ang anumang bagay na ginagawa mo, na ikaw ay sadyang may mababang kakayahan, at na hindi ka karapat-dapat pagkatiwalaan, hindi magagawa ang anumang gawain na ibinibigay sa iyo nang maayos—ikaw ay talagang magiging walang halaga sa mga tao, at mawawalan ng bisa bilang isang tao. Sa kabuuan, hindi isang malaking bagay ang pagiging walang halaga sa iba—ang mahalaga ay kung ikaw rin ay hamak, mababa, at walang halaga sa puso ng Diyos, tulad ng isang hayop, walang puso o espiritu, kung gayon ay may problema ka. Napakalayo mo pa para maligtas! Para sa sinumang tao na ang karakter ay hindi naaayon sa pamantayan, na ang pananalita at kilos ay ganap na hindi kinokontrol, na parang isang hayop, may pag-asa bang maligtas? Nasa panganib siya, sa nakikita Ko. Sa kalaunan, siya ay ititiwalag.
C. Ang Saloobin at Pag-uugali ng mga Tao sa Pakikipag-ugnayan Nila sa mga Kasalungat na Kasarian
Ang ating ikatlong aytem ay ang saloobin at pag-uugali ng mga tao sa pakikipag-ugnayan nila sa mga kasalungat na kasarian sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Isa itong isyu na haharapin ng lahat ng namumuhay kasama ng ibang tao, anuman ang kanilang edad. Anong aspekto ng pagkatao ang nakapaloob dito? Nakapaloob dito ang dignidad ng isang tao, ang pakiramdam ng kahihiyan ng isang tao, at ang estilo ng asal ng isang tao. Napakakaswal ng pagtingin ng ilang tao sa kanilang pakikipag-ugnayan sa miyembro ng kasalungat na kasarian. Pakiramdam nila ay balewala lamang ito hangga’t walang nangyayari, at gayundin ang pagpapakasasa sa mahahalay na kaisipan o pagbubunyag ng ilang imoral na pagkahumaling. Dapat bang magkaroon ng gayong mga saloobin ang isang taong may normal na pagkatao? Palatandaan ba ito ng normal na pagkatao? Kapag may sapat ka nang gulang upang mag-asawa at makipag-ugnayan sa miyembro ng kasalungat na kasarian, at nais nang umibig, gawin mo ito nang normal, at walang sinumang makikialam. Pero hindi gusto ng ilang tao ang isang relasyon—nakikipaglandian sila nang ilang araw sa sinumang nakatatawag sa kanilang pansin, at sa sandaling may nakikilala silang natitipuhan nila at angkop sa kanilang mga kagustuhan, nagsisimula silang magpasikat. At paano sila nagpapakitang-gilas? Isang nakataas na kilay, isang kindat ng mata, o pagbabago sa tono ng kanilang boses habang sila ay nagsasalita, o kaya ay kumikilos sila sa isang natatanging paraan o magsisimulang gumawa ng mga nakakatawang pahayag upang mapansin sila; ito ay pagpapakitang-gilas. Kapag nagbubunyag ng mga ganitong pag-uugali ang isang tao na hindi normal na ganito, makatitiyak kang may ilang miyembro ng kasalungat na kasarian sa di-kalayuan na sumasang-ayon sa kanilang mga kagustuhan. Sino ang mga taong ito? Masasabi mo na umaasal sila sa mababang estilo, o hindi nagtatakda ng malinaw na mga hangganan sa pagitan ng mga kalalakihan at kababaihan, ngunit hindi sila nagpapakita ng anumang kakutya-kutyang asal. Maaaring sabihin ng ilan na sadyang nagpapakahangal sila. Sa madaling salita, umaasal sila sa di-kapita-pitagang paraan; walang ideya tungkol sa paggalang sa sarili ang mga di-seryosong tao. May mga taong nagbubunyag ng mga ganitong katangian sa pang-araw-araw na buhay, ngunit hindi apektado ang pagganap nila sa kanilang mga tungkulin, ni hindi nito naaapektuhan ang pagtapos sa kanilang gawain, kaya’t problema ba talaga ito? Sinasabi ng ilan: “Hangga’t hindi nito hinahadlangan ang paghahangad nila sa katotohanan, kailangan pa ba itong pag-usapan?” Ano ang maiuugnay rito? Ang kahihiyan at dignidad ng pagkatao ng isang tao. Hindi maaaring mawalan ng kahihiyan at dignidad ang pagkatao ng isang tao, at kung wala ang mga ito, hindi maaaring maging normal ang kanilang pagkatao. May ilang tao na mapagkakatiwalaan, taimtim, at responsable, at masigasig sila sa lahat ng kanilang ginagawa. Wala silang anumang malaking problema, ngunit sadyang hindi nila sineseryoso ang aspektong ito ng kanilang buhay. Kapag nakikipaglandian ka sa isang miyembro ng kasalungat na kasarian, nakabubuti o nakasasama ba ito? Paano kung ang nilalandi mo ay mahulog ang loob sa iyo? Maaari mong sabihing “Hindi iyon ang ibig ko”; ngunit, kung nakikipaglandian ka pa rin sa sinuman kahit hindi naman pala iyon ang ibig mo, hindi mo ba sila pinaglalaruan? Pinipinsala mo sila! Medyo nagkukulang ito ng pagpapahalaga sa moralidad! Ang mga taong gumagawa nito ay may mababang karakter. Dagdag pa rito, kung wala kang balak na ituloy ang relasyong ito at hindi ka naman seryoso tungkol dito, ngunit itinataas mo pa rin ang iyong mga kilay at kinikindatan ang kabilang kasarian, at nagpapakitang-gilas nang may katuwaan at katatawanan, ginagawa ang lahat upang ipakitang mayroon kang estilo, na ikaw ay isang guwapo o maganda—kung nagpapasikat ka nang ganito, ano ba talaga ang ginagawa mo? (Nang-aakit ng mga tao.) May layong mang-akit dito. Ngayon, ang ganitong uri ba ng mapang-akit na ugali ay marangal o kasuklam-suklam na bagay? (Ito ay isang nakasusuklam na bagay.) Dito ay sadyang wala nang anumang dignidad. Anong uri ng mga tao sa mundong ito ang mang-aakit sa iba? Mga bayaran, mga mapangahas na babae, mga bastos—hindi alam ng mga taong ito ang kahihiyan. Ano ang ibig sabihin ng hindi pagkaalam ng kahihiyan? Ibig sabihin nito na wala silang nararamdamang kahihiyan. Integridad, kahihiyan, at karangalan, gayundin ang dignidad at reputasyon—wala silang pakialam sa alinman sa mga ito. Ang ganitong mga tao ay nagpapasikat at naglalandi. Hindi sapat para sa kanila ang pakikipaglandian sa isa o dalawang tao, at hindi sobra para sa kanila ang walo o sampu. Aabutin ng libu-libo para mapasaya sila. May ilang babaeng may-asawa ang may dalawang anak, at walang sinuman sa labas ng bahay ang nakakaalam tungkol dito. Bakit hindi nila ipinaaalam sa mga tao? Natatakot sila na kapag sinabi nilang kasal na sila at may karelasyon na, hindi na sila magtatagumpay sa kanilang mga pakikipaglandian, at mawawala ang kanilang pagiging mapang-akit at kabigha-bighani. Kaya hindi sila magiging bukas tungkol dito. Wala bang pakiramdam sa kahihiyan ang gayong mga tao? Normal ba ang pagkatao ng isang tao kung mayroon itong mga gayong bagay? Hindi. Ang implikasyon nito ay kung ikaw ay may gayong pagkatao at gayong mga pag-uugali, wala kang normal na pagkatao; wala itong kahihiyan at dignidad. May ilang tao na nagsisimulang haplusin ang kanilang buhok at ayusin ang kanilang mga damit sa sandaling napapalapit sila sa mga kasalungat na kasarian, o naglalagay sila ng kolorete at pulbos, ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya para pagandahin ang kanilang sarili. Ano ang kanilang layunin dito? Ang kanilang layunin ay pang-aakit. Ito ay isang bagay na wala dapat sa normal na pagkatao. Para makapang-akit ng mga tao tulad nito at walang maramdaman, iniisip na ito ay sadyang normal at karaniwan, na hindi ito isang malaking bagay, ay ang mawalan ng pagpapahalaga sa kahihiyan at na hindi man lang malaman kung ano ang dapat at hindi dapat gawin. May ilang tao na handang maglakad pataas at pababa sa kalye nang hubo’t hubad kung bibigyan sila ng sampung libong yuan. Anong klaseng tao sila? Sila ay mga taong walang pagpapahalaga sa kahihiyan. Gagawin nila ang lahat para sa pera, nang walang kahihiyan. Walang katuturan at walang kuwenta sa kanila ang integridad, karakter, pagpapahalaga sa kahihiyan, at dignidad. Pakiramdam nila, talento nila ang kakayahan nilang magpasikat at mang-akit ng iba, at ang tanging kagalakan nila ay nagmumula sa pagkakamit ng pabor ng mas maraming tao at pagkakaroon ng mas maraming tao na naghahangad sa kanila. Iyon ang pinakamataas na karangalan sa gayong babae; ito ang itinatangi niya. Hindi niya pinahahalagahan ang mga bagay na tulad ng dignidad, pagpapahalaga sa kahihiyan, o karakter. Mabuting pagkatao ba ito? (Hindi.) Nagpakita ba kayo ng mga pag-uugaling ito? (Nagpakita kami.) Kung gayon, nagagawa ba ninyong pigilan ang mga ito? Kaya ba ninyong pigilan ang mga ito kadalasan, o kaya ninyo lang itong gawin nang madalang? May kakayahan ba kayong pigilan ang inyong sarili? Ang mga taong kayang magpigil sa kanilang sarili ay ang mga may pusong nakakaalam ng kahihiyan. Dumaraan sa bawat tao ang mga sandali ng kapusukan at pagkahaling, pero kapag nagagawa ito ng mga kayang magpigil sa kanilang sarili, pakiramdam nila ay hindi tama ang ginagawa nila, na nagpapababa ito sa kanila, na kailangan nilang umiwas kaagad, at na hindi na nila ito dapat gawin pa. At kalaunan, kapag nakatagpo muli sila ng gayong bagay, nagagawa nilang kontrolin ang kanilang sarili. Kung wala man lang nitong kaunting kapasidad para sa pagpipigil sa sarili sa loob ng iyong pagkatao, ano ang iyong paghihimagsikan kapag tinawag ka para isagawa ang katotohanan? Ang ilang tao ay biniyayaan ng magandang hitsura, at patuloy na nasusumpungan ang sariling hinahabol ng miyembro ng kabilang kasarian; mas maraming taong naghahabol sa kanila, mas nararamdaman nilang kaya nilang magpakitang-gilas. Hindi ba’t mapanganib ito para sa kanila? Ano ang dapat mong gawin kapag nasa ganitong kalagayan? (Kilalanin at iwasan ang patibong na ito.) Isa talaga itong patibong, na dapat mong iwasan—kung hindi, matatagpuan mo na lang ang sarili mong nabitag na ng taong iyon. Kailangan mong iwasan ang patibong na ito bago ka mabitag; tinatawag itong pagpipigil sa sarili. Ang mga taong may pagpipigil sa sarili ay may pakiramdam ng kahihiyan at may dignidad. Iyong mga wala nito ay madadarang ng sinumang mang-aakit sa kanila at kakagat sa bitag tuwing may sinumang naghahangad sa kanila, na nangangahulugan ng problema. Dagdag pa rito, sasadyain din nilang magpakitang-gilas, mag-aayos at magbibihis, at anumang damit na kailangan nilang suotin para lalo silang magmukhang guwapo, mas kaakit-akit at maganda, ay sadya nilang pipiliing isuot, at isusuot ang mga ito bawat araw; mapanganib ito para sa kanila, at ipinapakita nito na sila ay mga taong sadyang nagtatangkang mang-akit ng iba. Kung masyado kang mukhang kapansin-pansin at nakakaakit sa mga damit na ito, dapat kang maghimagsik laban sa iyong laman at isuko ang pagsusuot ng ganitong mga damit. Kung naninindigan ka sa bagay na ito, magagawa mo ito. Pero kung wala kang ganitong paninindigan at gusto mong humanap ng kapareha, sige at hanapin mo ito: makipag-ugnayan kayo nang normal sa isa’t isa, nang hindi nakikipaglandian. Kung hindi ka naghahanap ng kapareha, pero nakikipaglandian sa iba, matatawag lang ito bilang kawalan ng kahihiyan. Dapat maging malinaw ka sa kung ano ang pinipili mo. Makatatalima ba kayong lahat sa mga prinsipyo? (Mayroon kami ng ganitong paninindigan.) Kung mayroon ka ng ganitong paninindigan, kung gayon ay mayroon kang lakas, motibasyon, at magiging madali na tumalima sa mga ito. Ang ilang mga tao ay likas na kapita-pitagan, at bukod dito, dahil sa pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos, hinahangad nila ang katotohanan at tinatahak ang tamang landas; kaya wala sila ng pagnanasang iyon, at hindi tumutugon sa kaninumang nagtatangkang makipaglandian sa kanila. Medyo madaling matukso dito ang ilang tao, samantalang hindi ito pinapansin ng iba; tila nalutas na ito ng ilang tao, ngunit kahit sila mismo ay hindi nila masabi kung nalutas na nga ba nila ito o hindi. Tungkol sa pakikipag-ugnayan sa mga kasalungat na kasarian, ito ay isang bagay na dapat mong harapin nang tama at muling suriin, at tukuyin bilang bahagi ng dignidad at kahihiyan ng normal na pagkatao. Paano nauugnay ang kawalan ng pagpapahalaga sa kahihiyan sa kawalan ng pagkatao? Patas na sabihin na kung ang isang tao ay walang pagpapahalaga sa kahihiyan, wala siyang pagkatao. Bakit lahat ng walang pagkatao ay hindi nagmamahal sa katotohanan? At bakit sinasabi natin na maaaring hangarin ng tao ang katotohanan kung nagtataglay siya ng pagkatao? Sabihin mo sa Akin, alam ba ng mga taong walang pagpapahalaga sa kahihiyan kung ano ang mabuti at kung ano ang hindi? (Hindi.) Kaya, kapag gumagawa sila ng masasamang bagay na lumalaban at nagkakanulo sa Diyos at lumalabag sa katotohanan, nakakaramdam ba sila ng anumang paninisi sa sarili? (Hindi.) Makakapunta ba sila sa tamang landas kung hindi sila sinasaway ng kanilang konsensiya? Kaya ba nilang hangarin ang katotohanan? Manhid ang mga taong garapal at walanghiya; hindi nila kayang malinaw na matukoy ang mga positibo at negatibong bagay, o kung ano ang iniibig ng Diyos at kung ano ang kinasusuklaman Niya. Kaya, kapag sinasabi ng Diyos na maging matapat ang mga tao, sinasabi nila, “Ano ang problema sa pagsasabi ng kasinungalingan? Hindi nakakababa ang pagsasabi ng hindi katotohanan!” Hindi ba’t sasabihin ng isang taong walang kahihiyan ang ganito? Kung nabigong maging matapat ang isang taong may pagpapahalaga sa kahihiyan at natuklasan ito ng lahat, hindi ba’t mamumula ang kanyang mukha? Hindi ba’t hindi mapalagay ang kalooban niya? (Hindi siya mapalagay.) At paano naman ang isang taong walang kahihiyan? “Bilang isang matapat na tao, kung ano ang iniisip ng iba, kung ano ang halaga ko sa kanila, o kung gaano nila ako pinahahalagahan—wala sa mga iyon ang mahalaga sa akin!” Wala silang pakialam. Kung gayon, kaya pa rin ba nilang hangarin ang katotohanan? Kung tatanungin mo sila pagkatapos nilang magsinungaling kung hindi sila mapalagay sa kanilang puso o kung nakakaramdam sila ng anumang paninisi sa sarili, sasabihin nila, “Ano ang ibig sabihin ng pagiging mapayapa? Ano ang paninisi sa sarili? Bakit kailangang maging napakahirap nito?” Wala silang gayong kamalayan. Makakasunod ba sa Diyos ang isang taong may gayong hindi maayos na katwiran? Kaya ba niyang hangarin ang katotohanan? Hindi niya ito hinahangad. Para sa kanya, walang mga hangganan sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay, sa pagitan ng katotohanan at kung ano ang lumalabag dito—pare-pareho ang lahat ng ito. Sa anumang paraan, sa palagay niya, ayos lang kung nagsisikap ang lahat, ginagawa ang kanilang tungkulin, at nagbabayad ng halaga. Hindi niya makita ang kaibahan sa pagitan ng mga ito. Hindi siya nakakaramdam ng paninisi sa sarili kapag nakagawa siya ng isang bagay na lumalaban sa Diyos, kapag nakagawa siya ng isang bagay na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, kapag nakagawa siya ng isang bagay na nakapinsala sa mga interes ng isang tao, o kapag nakagawa siya ng isang bagay na nakagugulo sa gawain ng iglesia. Wala talaga siyang paninisi sa sarili. Dito, hindi ba’t wala siyang pagpapahalaga sa kahihiyan? Ang mga taong walang pagpapahalaga sa kahihiyan ay walang pagkilatis sa gayong mga bagay. Para sa kanila, ito ay tungkol sa paggawa ng anumang gusto nila. Kahit ano ay puwede; hindi na kailangang gamitin ang katotohanan para humusga. Kaya, walang paraan para sa mga taong walang pagpapahalaga sa kahihiyan na makaunawa o magsagawa ng katotohanan. Ito ang relasyon sa pagitan ng kawalan ng pagpapahalaga sa kahihiyan at kawalan ng pagkatao. Kung gayon, bakit hindi ninyo ito nasasabi? Iniisip ninyong lahat, “Walang masyadong kinalaman sa katotohanan ang mga ipinangangaral Mo; napakaalayo niyon dito. Karaniwang nagagawa naming makita nang malinaw ang mga bagay na ito, kaya kailangan Ka pa ba namin na magsalita tungkol sa mga ito?” Kung sa tingin ninyo ay wala itong kinalaman sa katotohanan, gaano karami ng katotohanang realidad ang pinasok na ninyo? Isinasabuhay ninyo ba ang normal na pagkatao? Talaga bang naging mga tao na kayo na nagtataglay ng katotohanan at pagkatao? Masyadong mababa ang inyong tayog at hindi ninyo man lang kayang maunawaan ang mga bagay na ito, kaya anong katotohanang realidad ang maaari ninyong makamit?
Sinasabi ng isa sa sampung atas administratibo ng sambahayan ng Diyos na: Ang tao ay may tiwaling disposisyon at, bukod pa rito, siya ay nagtataglay ng mga damdamin. Dahil dito, talagang ipinagbabawal sa dalawang kasaping magkaiba ang kasarian na magsama sa gawain nang walang kasama habang naglilingkod sa Diyos. Sinumang matuklasan na gumagawa nito ay ititiwalag, nang walang pagtatangi. Paano tinitingnan ng mga tao ang atas administratibo na ito? Kung ang isang lalaki ay nagkaroon ng hindi tamang pakikipagrelasyon sa higit sa tatlumpung babae, sabihin mo sa Akin, ano kaya ang mararamdaman ng mga taong nakarinig nito tungkol dito? (Hindi sila makakapaniwala.) Magugulat kang marinig ito; magugulantang ka, “Hala, ang dami niyon! Nakakadiri iyon, hindi ba?” At ano kaya ang naging pakiramdam ng lalaking iyon nang sinabi niya iyon sa iyo? (Aasta siyang parang hindi ito mahalaga sa kanya.) Hindi ito isang mahalagang bagay para sa kanya. Tanungin mo siya kung ano ang kinakain niya ngayon: “Kanin.” Tanungin mo siya kung ilang babae na ang nakasama niya: “Tatlumpu o higit pa.” Sasabihin niya ang dalawang bagay nang may eksaktong parehong tono ng boses at pag-iisip. Mayroon bang anumang kaligtasan para sa isang taong may ganitong pagkatao? Wala, kahit nananalig pa siya sa Diyos. Paanong hindi siya marunong mahiya kapag nagbubulalas siya ng ganoong salita? Nakakababang bagay ito! Paanong naibubulalas lang niya ito? Sabihin mo sa Akin, may natitira pa ba siyang pakiramdam ng kahihiyan? Wala, wala siyang ganoon. Naging manhid na ang pagkaunawa ng konsensiya sa loob ng kanyang pagkatao, at wala na siyang pagkakaintindi. Hindi lang ito isang simpleng usapin ng pagiging ubod ng sama—ang mga taong walang kahihiyan o dignidad ay hindi na mga tao. Mukha pa rin silang tao sa panlabas, pero nawawala kaagad ito kapag may kailangan silang pangasiwaang isang bagay. May kakayahan silang gawin ang kahit ano, nang walang kaalaman ng kahihiyan—at ibig sabihin niyon na hindi na sila mga tao. Tapusin natin dito ang ating usapan sa mga usaping ito.
Pag-isipan mo ang tatlong aspekto ng normal na pagkatao na ito na tinalakay natin ngayon—mahalaga ba ang mga ito? Ang mga bagay na ito ba sa normal na pagkatao ay hindi nakaugnay sa paghahangad ng katotohanan? (Hindi.) Kung gayon, ano ang kinalaman ng mga ito sa paghahangad ng katotohanan? Kung ang pagkatao ng isang mananampalataya sa Diyos ay hindi nagtataglay ng pagiging metikuloso, isang pagpapahalaga sa responsabilidad, o isang kapasidad para sa pagkamaasikaso sa kanyang mga kilos—kung wala siyang gayong pagkatao, ano ang matatamo niya sa pananalig niya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan? Nagbahagi na tayo sa medyo kaunting katotohanan sa mga nakalipas na taon, mga katotohanan sa bawat larangan. Kung hindi ilalapat ng mga tao ang sarili nila o tatratuhin ang mga katotohanang ito nang may matapat na pag-iisip, na sinasalpak ang lahat nang magkakasama at walang ginawa nang maingat, makakamit ba nila ang pang-unawa sa katotohanan na tulad nito? Sinasabi ng ilang tao: “Kung hindi ko mauunawaan ang katotohanan, hindi ba puwedeng sauluhin ko na lang ang mga doktrina at terminolohiyang ito?” Magagawa mo bang makamtan sa huli ang katotohanan sa ganitong paraan? Kung hindi mo tinataglay ang ganitong uri ng normal na pagkatao at hindi tinataglay ang mga bagay na ito sa loob ng iyong pagkatao, ibig sabihin ay wala kang maingat, metikuloso, taimtim, at responsableng saloobin sa mga bagay-bagay, nagiging mga doktrina at islogan ang katotohanan sa iyo—nagiging mga regulasyon ito. Hindi mo makamit ang katotohanan, dahil hindi mo ito magawang maunawaan. Higit pa riyan, kung hindi mo mapangasiwaan nang maayos ang kapaligiran, nakagawian, at estilo ng iyong personal na buhay, makakapasok ka ba sa iba’t ibang prinsipyo at kasabihan na may kinalaman sa katotohanan? Hindi mo magagawa. Higit pa rito, dapat mahalin ng mga tao ang mga positibong bagay sa buhay, at sa mga negatibo at buktot na bagay, dapat nilang panatilihin ang isang saloobin ng pagkasuklam at pandidiri sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Ito ang tanging paraan para makapasok sa ilang katotohanan. Ibig sabihin nito na sa iyong paghahangad sa katotohanan, dapat tinataglay mo ang tamang saloobin at ang tamang balangkas ng pag-iisip; dapat kang maging isang kagalang-galang at seryosong tao. Tanging ang ganitong mga tao lang ang makakapagkamit ng katotohanan. Kung ang isang tao ay walang pakiramdam ng kahihiyan, at nananatiling manhid at walang kamalayan sa puso kapag nakagawa siya ng maraming buktot na bagay, maraming bagay na naghihimagsik laban sa Diyos at lumalabag sa katotohanan, iniisip na hindi ito isang malaking bagay—may anumang silbi ba sa kanya ang katotohanan? Wala talaga itong silbi. Walang epekto sa kanya ang katotohanan, at hindi nito nagagawang pigilan siya, pagsabihan siya, gabayan siya, o ituro ang direksiyon at landas sa kanya, na nangangahulugang may problema siya. Paano maiintindihan ng isang tao na wala man lang pakiramdam ng kahihiyan ang katotohanan? Para magawang maunawaan ng isang tao ang katotohanan, dapat maging sensitibo muna siya sa mga positibo at negatibong bagay sa kanyang puso. Nasusuya siya nang sobra kahit sa pagbanggit o pakikipagtagpo sa isang negatibo o buktot na bagay, at kung siya mismo ang gagawa ng gayong bagay, nahihiya siya at hindi mapalagay. Nakakaramdam siya ng pagmamahal sa katotohanan at kayang tanggapin ang katotohanan sa kanyang puso; magagamit niya ito para pigilan ang kanyang sarili at baguhin ang mga mali niyang kalagayan. Hindi ba’t ang mga bagay na ito ang dapat taglayin ng normal na pagkatao? (Oo.) Sa pagtataglay ng mga ito, hindi ba’t nagiging madali para sa isang tao na hangarin ang katotohanan? At kung walang tinataglay ang isang tao ni isa sa mga ito, ang pagsasalita tungkol sa paghahangad sa katotohanan ay hungkag na usapan lang—paano niya magagawa iyon nang walang mga positibong bagay sa kanyang puso? Hanggang sa hindi nagtataglay ang iyong normal na pagkatao ng mga bagay na ito, hindi mag-uugat, mamumulaklak, at magbubunga sa kalooban mo ang katotohanan—doon lang ito magkakaroon ng epekto. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan, mababago mo ang iyong pag-iisip at mapipigil ang iyong pag-uugali, at mangangaunti nang mangangaunti ang iyong mga tiwaling pag-iisip. Ito ang tunay na pagbabago.
Ilan sa mga pagpapamalas na ito ng normal na pagkatao na tinalakay natin ngayon ang tinataglay ninyo? Ilan ang wala kayo? Ano ang tinataglay ninyo? (Isang pakiramdam ng kahihiyan.) Isang pakiramdam ng kahihiyan—mabuti iyon. Ang pakiramdam ng kahihiyan ang pinakamaliit na dapat ninyong taglayin. Ano pa? Nagtataglay ba kayong lahat ng maingat at metikulosong mentalidad at saloobin sa mga tao, kaganapan, at bagay? Nakikita Ko na palpak kayo sa lahat ng inyong ginagawa, matamlay at nagpapabaya lang, at kapag nakikita Ko ang mga bagay na ginagawa ninyo, lalong nababalisa ang Aking puso. Makikita ninyo ba ang mga problemang ito sa inyong sarili? Nag-aalala ba kayo kapag nakikita ninyo ang mga ito? (Oo.) Sa paanong paraan? Sabihin ninyo ang tungkol dito. (Ngayong kakarinig ko lang ng pagbabahagi ng Diyos, pakiramdam ko ay wala akong masyadong pagkatao, at na nagkaroon ako ng hindi seryosong mentalidad sa aking tungkulin at sa mga pangyayari sa aking buhay. Napakalayo ko sa mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos. Medyo nakakatakot ito.) Masyadong maraming kulang sa inyong pagkatao, ganoon ba? Pakiramdam ninyo ay maraming taon na kayong nananalig sa Diyos at maraming katotohanan na kayong narinig, pero wala man lang kayo ng mga pinakapundamental na bagay ng pagkatao—paanong hindi kayo mababalisa? Ang ilang tao ay may kaunting teknikal na kasanayan, pero ang lahat ng kanilang ginagawa ay mahinang klase. Lahat ng ito ay mababa ang kalidad, hindi umaabot sa pamantayan, at hindi sila tumitingin sa kung ano ang mga makabago at karaniwang pamamaraan. Hindi ba’t ito ay pagiging atrasado ng pag-iisip nila? Halimbawa, minsan silang inatasang magkabit ng pinto at sinabi nila: “Kung saan ako nanggaling, karamihan sa mga pinto na mayroon kami ay mga pintong may isang entrepanyo.” Hindi itinatakda ng munting lugar na iyon na kanilang pinanggalingan ang pamantayan. Dapat nilang tingnan ang estilo ng mga pintuan sa mga negosyo at mga residensiyal na gusali sa malalaking lungsod, pagkatapos ay gawin ang kanilang trabaho batay sa realidad ng sitwasyon. Pero dito, ibinuka nila ang kanilang bibig at sinabi: “Hindi kami gumagawa ng mga pintong may dalawang entrepanyo sa aming lugar, at walang masyadong maraming tao rito. Hindi ito magiging isang malaking bagay kung marami rin naman—maaari naman silang magsiksikan na lang.” Sinabi ng isa pa: “Kung masyadong matagal na magsisiksikan ang mga tao, masisira nito ang hamba ng pinto. Pag-usapan natin ito. Gawin ninyo itong pintuan na may dalawang entrepanyo sa pagkakataong ito, bilang eksepsyon, ayos ba?” Pagkatapos sinabi nila: “Hindi! Gumagawa ako ng mga pinto na may isang entrepanyo; hindi ako puwedeng gumawa ng mga may dalawang entrepanyo. Ako ba ang nakakaalam kung paano ito gawin o ikaw? Ako—kaya bakit hindi mo ako pakikinggan tungkol dito? Kailangan mong makinig sa akin!” Sinabihan silang magtrabaho ayon sa sitwasyon, pero hindi sila nakinig at nagpumilit na gumawa ng isang maliit na pinto. Hindi ba’t abala ito? Nang sabihang maglagay ng dingding na salamin sa pagitan ng panloob at panlabas para makapasok ang liwanag at hindi maramdamang maliit ang espasyo, sinabi nila, “Bakit tayo magkakabit ng salamin? Panganib iyan sa seguridad, hindi ba? Hindi ako magkakabit ng salamin; ayos na ang dalawang pintong ito. Ito lang ang uri ng pinto na ginagamit namin kung saan ako nagmula.” Palagi nilang ipinangangalandakan ang mga bagay tulad ng “kung saan ako nanggaling,” “sa amin,” “nag-aral ako ng mga teknikal na bagay,” para pigilan ang iba. Katotohanan ba ang mga bagay na iyon? (Hindi katotohanan ang mga iyon.) Para magkaroon sila ng gayong saloobin sa mga panlabas na bagay, ano ang kulang sa kanilang pagkatao? Pagkamakatwiran. At anong uri ng bagay, sa partikular, ang kulang sa kanilang pagkamakatwiran? Kabatiran. Pakiramdam nila palagi na tama ang lahat ng bagay kung saan sila nagmula, na ito lang ang pinakamataas, na ito lang ang katotohanan. Hindi ba’t mahina ang kanilang pagkatao? Ano dapat ang itsura ng normal na pagkamakatwiran? Sa normal na pagkamakatwiran, sasabihin nila, “Maraming taon na ako sa trabahong ito, pero wala pa akong masyadong nakikita. Ganito namin lahat ginagawa ang mga pinto kung saan ako nagmula, kaya tingnan natin kung gaano kalaki ang mga pinto rito. Susundin natin ang ginagawa ng mga tao rito. Ibang lugar ito, at sa gawaing ito, dapat akong manatiling marunong makibagay.” Hindi ba’t pagkamakatwiran iyon? (Pagkamakatwiran ito.) Ang gayong tao ba ay may ganitong pagkamakatwiran, kung gayon? Hindi—wala siyang tinataglay na katwiran. At paano ito hinarap sa huli? Kailangang gawing muli ang trabaho. Hindi ba’t kawalan ang muling paggawa ng trabaho? (Kawalan ito.) Oo, kawalan ito. Marami bang halimbawa ng gayong mga bagay? Mayroon. Matindi ang katigasan ng ulo ng taong iyon. Gaano katigas ang ulo niya? Hindi niya pinakinggan ang sinabi ng sinuman; ni hindi man lang din niya pinakinggan ang sinabi Ko, at sinalungat din niya Ako. Sinabi Ko, “Kailangan mo itong baguhin. Kung hindi mo ito babaguhin, hindi ito ang trabahong para sa iyo.” At may lakas ng loob pa siyang sabihin, “Gagawa ako ng pinto na ganito kalaki kahit na hindi Mo ako kailangan!” Anong disposisyon iyon? Normal na pagkatao ba iyon? (Hindi.) Hindi ito normal na pagkatao—anong pagkatao ito, kung gayon? Sa nakikita Ko, para siyang hayop. Katulad lang ito ng kapag nauuhaw ang isang baka: Gaano man karaming kalakal o tao ang dala nito sa kariton, sa sandaling makakita ito ng lusak o ng ilog, hihilahin nito ang kariton papunta roon. Walang bilang ng mga tao ang makakahila nito palayo. Ito ay isang hayop na pinag-uusapan natin. May ganitong uri ng disposisyon din ba ang mga tao? Kapag mayroon sila nito, hindi ito normal na pagkatao, at mapanganib iyon. Maghahanap sila ng dahilan para tanggihan ka, para tumigil sa pakikinig. Masyado silang matigas ang ulo at hangal. Sa gayong mga usapin sa pang-araw-araw na buhay, kung wala kang saloobin ng mababang-loob na pagtanggap, ng pagiging bukas sa opinyon ng iba, kung wala kang saloobin ng pag-aaral, paano mo matatanggap ang katotohanan? Paano mo ito maisasagawa? Sinasabi ng lahat na mas angkop na gumawa ng pinto na may dalawang entrepanyo. Ni hindi mo magagawa iyon, at malayo iyon sa pagsasagawa ng katotohanan—hindi ka man lang nakikinig sa mabuting mungkahi. Magagawa mo bang makinig sa isang bagay na may kinalaman sa katotohanan? Hindi ka makikinig, katulad nang dati. Hindi ito makakarating sa isang taong nagtataglay ng ganitong disposisyon, at nangangahulugan iyon ng malaking problema para sa kanila. Kung ang pagkatao ng isang tao ay hindi man lang nagtataglay ng ganitong uri ng katwiran, anong katotohanan ang maisasabuhay nila? Para kanino nila ginagawa ang mga bagay na pinagkakaabalahan nila araw-araw? Ginagawa nila ang mga ito nang ganap na ayon sa kanilang sariling mga kagustuhan, sa sarili nilang mga makasariling pagnanais. Araw-araw, taglay nila ang ganitong uri ng pananaw sa mga tao, pangyayari, at bagay na nakapaligid sa kanila sa pang-araw-araw na buhay: “Gagawin ko ang gusto ko, gagawin ko ang iniisip ko, at gagawin ko ang pinaniniwalaan ko.” Ano ang tawag dito? Sa buong araw, lahat ng iniisip nila ay ganap na masama. At kung napakasama nila sa puso, paano ang kanilang mga kilos? Mayroon bang isang bagay tulad ng isang tao na ang mga kaisipan ay masamang lahat, pero ang mga kilos ay naaayon pa ring lahat sa katotohanan? Hindi ito tama—magiging isang kontradiksiyon ito. Ang pag-iisip nila ay masamang lahat, at kung saan sila nagsisimula ay ganap na masama, kaya ang mga bagay na ginagawa nila ay hindi na kahit papaano gugunitain. At sa mga bagay na hindi ginugunita, ang iba ay mga pagkagambala at kaguluhan, ang iba ay mapanira, habang ang iba ay hindi masyadong masama. Kung seseryosohin ang mga bagay na ito, dapat kondenahin ang mga ito. Ganyan ito gumagana.
Umiiral sa ilang tao ang isang uri ng maling pananaw, isa na sa tingin ng iba ay medyo kasuklam-suklam. Ang mga taong ito ay may ilang kaloob o kalakasan, o marahil ay isang kagalingan, ilang kakayahan, o isang espesyal na abilidad sa ilang larangan, at pagkatapos nilang manalig sa Diyos, iniisip nila ang sarili nila na mga kapita-pitagang tao. Tama ba ang saloobing ito? Ano sa palagay mo ang pananaw na ito? Isang bagay ba ito na nabibilang sa pag-iisip ng normal na pagkatao? Hindi. Anong uri ng ideya ito, kung gayon? Hindi ba’t wala itong katwiran? (Wala nga.) Naniniwala sila, “Mas mataas ako kaysa sa mga ordinaryong tao dahil alam ko ang kagalingang ito, at mas mahusay ako kaysa sa karaniwang tao sa sambahayan ng diyos. Isa akong tao, nagtataglay ng kagalingan at abilidad, at mahusay akong magsalita at talentado. Nakakabilib ang dating ko sa sambahayan ng diyos. Ako ang pinakamagaling. Walang makakapag-utos sa akin, walang makakapamuno sa akin, at walang makakapagmando sa akin na gumawa ng anuman. Mayroon ako ng kasanayang ito, kaya gagawin ko ang gusto ko. Hindi ko kailangang pag-isipan ang mga prinsipyo—anuman ang gawin ko ay tama at naaayon sa katotohanan.” Ano ang palagay mo sa pananaw na ito? Hindi ba’t may mga taong ganito? Ang gayong mga tao ay wala sa minorya, at pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos para ipagmalaki ang kanilang sarili. Kung ginamit nila ang kanilang mga kalakasan o kakayahan para gawin ang isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, magiging ayos lang iyon, pero kung naroon sila para ipagmalaki nila ang kanilang sarili, isa iyong ibang uri ng problema. Bakit tinatawag itong “pagmamalaki ng kanilang sarili”? Nakikita nila ang mga mananampalataya sa Diyos bilang hangal, bilang wala. Hindi ba’t may naging mali sa kanilang pag-iisip? Hindi ba’t may mali sa kanilang pagkamakatwiran? Ganito ba talaga ang mga bagay-bagay? Talaga bang walang halaga ang mga taong nananalig sa Diyos? (Hindi.) Kung gayon bakit ganoon sila titingnan ng mga taong iyon? Bakit sila magkakaroon ng ganoong pag-iisip? Ano ang nagbubunsod sa gayong kaisipan? Natutunan ba nila ito mula sa mga walang pananampalataya? Iniisip nila na wala lang ang mga taong nananalig sa Diyos, na lahat sila ay mga maybahay na misis at mister, na lahat sila ay mga magsasaka, at na sila ay mula sa mababang antas ng lipunan. Ang pananaw nila ay ang pananaw ng malaking pulang dragon. Iniisip nila na ang mga taong nananalig sa Diyos ay walang kakayahan, na hindi nila magagawang umangkop sa lipunan, at na nanalig lang sila sa Diyos dahil walang landas para sa kanila sa labas, wala nang iba pang patutunguhan. Iniisip nila na dahil mayroon silang kaunting abilidad, may kaunting nalalaman tungkol sa ilang propesyon, o may ilang teknikal na kaalaman, ginagawa sila ng mga ito na taong may talento sa sambahayan ng Diyos. Tama ba ang kaisipang iyon? (Hindi.) Ano ang mali rito? Naniniwala sila na walang sinumang mga taong may kakayahan sa sambahayan ng Diyos, at sa kanilang kaunting propesyonal na kaalaman, gusto nilang gumamit ng kapangyarihan at magkaroon ng huling salita sa mga bagay-bagay. May ganoong mga tao ba riyan? May mga tao bang tulad nito sa inyong tabi, o sa mga taong pamilyar kayo o kakilala ninyo? May ilang tao na may kasanayan sa isang partikular na larangan, at kapag pinakilos mo sila bilang lider ng grupo o superbisor, pakiramdam nila ay nakakuha sila ng isang opisyal na posisyon. Iniisip nila na sila ang may huling salita sa sambahayan ng Diyos, na walang ibang nagbabantay sa kapakanan ng sambahayan ng Diyos nang tulad nila o pinoprotektahan ang mga interes nito nang higit kaysa sa kanila, at na walang sinuman ang kasing tapat nila. Gusto nilang mamahala at makilahok sa lahat ng bagay, pero hindi nila napapamahalaan nang maayos ang anumang bagay, ni hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi man lang sila nakikinig sa mga sinasabi Ko. May gayong mga tao ba riyan? (Oo.) May ganoong mga tao. Sa ilalim ng bandila ng partikular na kakayahang mayroon sila, nais nilang pamahalaan ang lahat at manungkulan. Halimbawa, kapag may mga kapatid na gumagawa ng isang bagay na hindi nila gusto, sasabihin nila: “Kailangan nating mapangasiwaan ang mga taong ito—sumusobra na sila!” Kapag ang mga mananampalataya sa Diyos ay may problema, ang katotohanan ay dapat na ibahagi sa kanila. Hindi ito isang kampo-militar kung saan dapat isagawa ang kontrol-militar. Sa mga usapin sa iglesia, malulutas lang ang mga problema sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos at pagpapaunawa sa mga tao ng katotohanan. Ang mga hindi tumatanggap sa katotohanan at kumikilos nang pabasta-basta at ayon sa kapritso ay maaaring pungusan—ang mga determinado lang na hindi tumanggap sa katotohanan ang maaaring disiplinahin. May ilang tao na nagsilbi bilang mga superbisor o bilang mga lider at manggagawa na malinaw na walang katotohanang realidad, pero palaging nagnanais na magkaroon ng kapangyarihan at magkaroon ng huling salita sa sambahayan ng Diyos. May konsensiya at katwiran ba ang mga taong ito? Alam lang nila ang ilang panlilinlang ng isang negosyo at hindi nauunawaan ang katotohanan kahit kaunti. Iniisip nila ang sarili nila na kapaki-pakinabang at may kakayahan, iniisip na sila ay mas mahusay kaysa sa karaniwang tao sa sambahayan ng Diyos, at nais nilang gawin ang gusto nila sa iglesia mula sa isang posisyon ng kapangyarihan—na magkaroon ng nag-iisang, huling salita. Hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo kundi kumikilos nang naaayon sa ninanais nila, ayon sa mga kagustuhan nila. Ano ang problema rito? Hindi ba’t ito ang disposisyon ng isang anticristo? Ang mga tao bang ganito ay may katwiran ng normal na pagkatao? Wala silang ni katiting nito. Tatapusin natin dito ang pagbabahaginan natin sa normal na pagkatao.
Isang Paghihimay Kung Paano Hinihimok ng mga Anticristo ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos
III. Isang Paghihimay tungkol sa Pagbabawal ng mga Anticristo sa Iba na Makialam, Magtanong, o Mangasiwa sa Kanila sa Kanilang Gawain
Bilang pagpapatuloy sa paksa ng ating huling pagbabahaginan ay ang ikawalong aytem sa iba’t ibang paraan ng pagpapamalas ng mga anticristo: Hinihimok nila ang iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos. Hinati natin ang aytem na ito sa apat na subseksiyon. Ang dalawa ay pinag-usapan natin sa ating huling pagtitipon: Ang una ay na wala silang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino; ang ikalawa ay mayroon silang pagnanais at ambisyon na kontrolin at lupigin ang mga tao. Ano ang ikatlo? Pagbabawal sa iba na makialam, magtanong, o mangasiwa sa kanila sa anumang gawaing ginagawa nila. Ano ang maaaring kabilang sa anumang gawain na tinanggap nila? Kinabibilangan ito ng anumang programa sa trabaho na maaaring responsabilidad ng isang lider o manggagawa, gayundin ang gawain na maaaring responsabilidad ng isang superbisor ng grupo o isang lider ng grupo; maaaring propesyonal na trabaho rin ito sa ilang larangan, o trabaho ng isang tao. Ang taong ito na tumanggap ng anumang gawain ay maaaring isang lider o manggagawa, o maaaring isa siyang ordinaryong kapatid. Kung pinagbabawalan niya ang iba na makialam, magtanong, o mangasiwa sa kanila, nasa anong kalagayan siya? Anong mga pag-uugali ang nauugnay sa pagbabawal na ito? Ito ay isa pang pag-uugali na nasa ilalim ng ikawalong pagpapamalas ng mga anticristo, isa pang pagbubunyag ng kanilang diwa. Sa tungkulin ng bawat uri, may ilang gawain na propesyonal, at may ilan na direktang kinasasangkutan ng buhay pagpasok. Kinapapalooban ang propesyonal na gawain ng lahat ng aspekto ng mga bagay tulad ng teknik, kaalaman, pagkatuto, at pamamahala sa mga tauhan. Ang lahat ng ito ay kabilang dito. May ilang tao, na matapos tanggapin ang isang trabaho, ay nagsisimulang gawin ito nang sila lang. Hindi nila ito tinatalakay sa iba, at kapag nahihirapan sila, hindi nila gustong hanapin ang input ng iba; gusto lang nilang maging mga tanging tagapamagitan at may huling salita. Maaaring mag-alok ang ibang tao ng kanilang mga ideya at input, umaasang matutulungan sila nang kaunti—pero tinatanggap ba nila ang mga ito? (Hindi.) Hindi, hindi nila ito tinatanggap. Anong uri ng disposisyon iyon? Anong disposisyon ang namamahala sa kanila, na pinagbabawalan nila ang iba na makialam, magtanong tungkol sa, o mangasiwa sa kanilang pagganap ng tungkulin? Naniniwala sila, “Alam ko ang tungkol sa linya ng trabahong ito, at alam ko ang teorya. Iniatas sa akin ng iglesia ang gawaing ito. Kaya, gagawin ko ito nang mag-isa.” Madalas nilang sinasabi na nauunawaan nila ang propesyon at na tagaloob sila para bigyang-katwiran ang pagtanggi nilang ibunyag sa iba ang anumang impormasyong nauugnay sa trabaho o sa pag-usad ng gawain. Ayaw nga rin nilang ipaalam sa iba ang tungkol sa mga kapalpakan, pagkakamali, o aberya na nangyayari sa trabaho. Kapag nalaman ng ibang tao ang gayong bagay at gustong magtanong, makisali, o malaman ang higit pa, tumatanggi silang sumagot, sa halip ay sinasabi, “Teritoryo ko ang mga bagay na saklaw ng aking gawain. Wala kang karapatang magtanong. Hindi ito iniatas sa iyo ng iglesia—ako ang inatasan nito, at kailangan ko itong panatilihing pribado.” Makatwiran ba ang dahilang iyon? Tama ba sa kanila na “panatilihin itong pribado”? (Hindi.) Bakit hindi? Magiging pagtataksil ba sa impormasyon ang pakikipagbahaginan sa iba tungkol sa kalagayan ng gawain, mga kapalpakan at problema na nangyari dito, at ang plano at direksiyon nito? (Hindi.) Hindi, maliban sa ilang partikular na detalye na maaaring magdala ng panganib sa kaligtasan ng iglesia kung sakaling lumabas ang mga ito, at na hindi nararapat na sabihin sa iba. Sa gayong mga kaso, ayos lang na hindi sabihin ang mga ito. Pero kung ginagamit nila ang pagiging pribado ng mga ito bilang katwiran, at hindi hahayaang malaman ng iba ang anumang bagay na nasa saklaw ng kanilang gawain, at nilalabanan at tinatanggihan ang mga pagtatanong, pagkuwestiyon, o pag-apela para sa impormasyon, mula sa mga ordinaryong kapatid at mga kapwa lider at manggagawa, ano ang problema roon, kung gayon? Maaaring gusto nilang gumawa ng isang bagay sa isang partikular na paraan, halimbawa. Sinasabi ng iba pa sa kanila, “Kung gagawin mo iyan nang ganyan, magdudulot ito ng kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at maliligaw ka ng landas. Paano kung gawin natin ito nang gaya nito sa halip?” Iniisip nila sa sarili nila, “Kung gagawin ko ito tulad nang sinabi mo, ipakikita niyon sa iba na hindi maganda ang paraan ko, hindi ba? At pagkatapos ay mapupunta sa iyo ang kredito para sa trabaho, hindi ba? Hindi maaari iyon; mas gugustuhin ko pang malihis ng landas kaysa sundin ang iyong paraan. Kailangan kong sundin ang sarili kong paraan. Wala akong pakialam kung magdudulot ito ng kawalan sa mga interes sa sambahayan ng diyos; ang aking reputasyon at katayuan ang mahalaga—ang aking katanyagan ang mahalaga!” Kahit na mali ang ginagawa nila, magiging mali lang sila, at hindi nila pahihintulutan ang sinuman na makialam. Hindi ba’t iyon ang disposisyon ng isang anticristo? (Iyon nga.) Ano ang diwa ng hindi pagpapahintulot sa iba na makialam? Ito ay paggawa sa sariling negosyo ng isang tao. Ang mga interes ng sambahayan ng Diyos ay hindi ang mahalaga sa kanila, at ang gawain nito ay hindi ang kanilang pokus. Hindi sila gumagawa ayon sa prinsipyong iyon. Sa halip, gumagawa sila nang may pokus sa kanilang mga personal na interes at sa kanilang katayuan at katanyagan; ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos ay dapat na magsilbi sa sarili nilang katayuan at mga sarili nilang interes. Iyon ang dahilan kung bakit hindi nila hinahayaan ang iba na makialam sa o magtanong tungkol sa kanilang gawain. Naniniwala sila na sa sandaling may makialam sa kanilang gawain, manganganib ang kanilang katayuan at mga interes, na ang kanilang mga pagkukulang at kapintasan, pati na ang mga problema at paglihis sa kanilang gawain, ay malamang na malalantad. Kaya, determinado silang pagbawalan ang iba na makialam sa kanilang gawain, at hindi nila tinatanggap ang pakikipagtulungan o pangangasiwa ng sinuman.
Anumang gawain ang ginagawa ng isang anticristo, natatakot siya na mas marami pang malalaman ang Itaas tungkol dito at magtatanong. Kung magtatanong ang Itaas tungkol sa kalagayan ng gawain o sa pamamahala sa mga tauhan, magbibigay lang siya ng pabasta-bastang pag-uulat ng ilang walang-kabuluhang bagay, ilang bagay na pinaniniwalaan niyang ayos lang na malaman ng Itaas, na walang mga magiging kahihinatnang dulot ng pagkaalam nila nito. Kung magtatanong ang Itaas tungkol sa iba pa nito, maniniwala siya na nakikialam ang mga ito sa kanyang tungkulin at sa kanyang “mga panloob na usapin.” Wala na siyang sasabihin pa sa mga ito, kundi magpapanggap na walang alam, manlilinlang at pagtatakpan ang mga bagay-bagay. Hindi ba’t tinatanggihan niya ang pangangasiwa ng sambahayan ng Diyos? (Tinatanggihan niya.) At ano ang gagawin niya kung may isang taong nakatuklas ng isa niyang problema at ilalantad siya at iuulat ito sa Itaas? Haharangan niya ito, hahadlangan ito—magbabanta pa nga siya: “Kung sasabihin mo ito at hahantong ito sa pagpupungos sa atin ng itaas, nasa iyo ang sisi. Kung pupungusan ang sinuman, ikaw iyon!” Hindi ba’t sinusubukan niyang magtatag ng isang independiyenteng kaharian? (Ganoon nga.) Hindi nga rin niya hahayaang magtanong ang Itaas, at walang sinuman ang may karapatang malaman ang tungkol sa mga bagay na nasa saklaw ng kanyang gawain o na kuwestiyunin siya tungkol sa mga bagay na iyon, lalong hindi ang gumawa ng mga rekomendasyon. Kung napasakamay niya ang isang programa sa gawain, siya lang ang maaaring magkaroon ng huling salita tungkol sa mga isyu na nasa saklaw ng gawaing iyon; siya lang ang makapagpapasya; siya lang ang makakakilos at makakapagsalita ayon sa gusto niya, at gaano pa man siya kumilos, may katwiran siya para dito. Anong pamamaraan ng pagkilos ang ginagamit niya kapag may nagtatanong? Pagpapabasta-basta at pagtatakip. At ano pa? (Panlilinlang.) Tama iyan: panlilinlang—papakitaan ka pa nga niya ng huwad na anyo. Sa isang iglesia, halimbawa, ang isang lider o diyakono ng ebanghelyo ay maaaring malinaw na nagkamit lang ng tatlong tao sa iglesia na kanyang responsabilidad sa loob ng isang buwan, higit na mas kaunti kaysa sa ibang mga iglesia. Pakiramdam niya ay walang paraan para maipaliwanag iyon sa Itaas—kaya, ano ang ginagawa niya? Kapag nag-uulat siya ng kanyang gawain, nagdaragdag siya ng isang zero pagkatapos ng tatlong iyon at sinasabing nagkamit siya ng tatlumpung tao. May iba pang nakaalam nito at kinuwestiyon siya: “Hindi ba’t panlilinlang iyon?” “Panlilinlang?” Sabi niya. “Bakit, magiging ayos lang naman ito kapag nagkamit tayo ng tatlumpung tao sa susunod na buwan para makabawi, hindi ba?” May katwiran siya para dito. Kung may ibang taong seseryosohin ang isyung ito at nanaising iulat ang mga katunayan sa Itaas, maniniwala siyang gumagawa ng problema ang taong iyon para sa kanya, na may galit ito sa kanya. Kaya, susugpuin at haharapin niya ito—gagawa siya ng problema para dito. Dito, hindi ba niya pinarurusahan ang mga tao? Hindi ba siya gumagawa ng kasamaan? Hindi niya kailanman hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo sa kanyang gawain, kaya ano ang layunin niya sa paggawa ng gawain? Ito ay tungkol sa pagseguro sa kanyang katayuan at kabuhayan. Anuman ang masasamang bagay na ginagawa niya, hindi niya sinasabi sa mga tao ang layunin at motibo sa kanyang ginagawa. Dapat niyang panatilihing lubos na lihim ang mga iyon; mga klasipikadong impormasyon ang mga bagay na iyon sa kanya. Ano ang pinakasensitibong paksa para sa mga taong tulad nito? Ito ay kapag tinanong mo sila, “Ano ang ginagawa mo kamakailan? Nagbunga ba ng anumang resulta ang pagganap mo sa iyong tungkulin? Nagkaroon ba ng anumang paggambala o panggugulo sa lugar na sakop ng iyong gawain? Paano mo pinangasiwaan ang mga ito? Nasa wastong kalagayan ka ba sa iyong gawain? Ginagawa mo ba nang tapat ang iyong tungkulin? Nagdulot ba ng mga kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos ang mga ginawa mong desisyon sa trabaho? Napalitan na ba ang mga lider na hindi kuwalipikado? Itinalaga ba sa mas mataas na posisyon at nilinang ang mga taong may mahusay na kakayahan na medyo naghahangad sa katotohanan? Sinupil mo ba ang mga taong naging suwail sa iyo? Anong kaalaman ang mayroon ka sa iyong tiwaling disposisyon? Anong uri ng tao ka?” Ang mga ito ang mga paksa na pinakasensitibo sa kanila. Pinaka-kinatatakutan nila na maitanong sa kanila ang mga ito, kaya, sa halip na hintayin kang tanungin mo sila, magmamadali silang maghanap ng ibang paksa para pagtakpan sila. Gusto ka nilang iligaw sa lahat ng paraan, pinipigilan kang malaman kung ano talaga ang sitwasyong ito, sa kasalukuyang kalagayan nito. Palagi ka nilang pinananatili sa dilim, palagi kang pinipigilang malaman kung gaano kalayo na talaga ang naabot nila sa kanilang gawain. Walang katiting na pagiging hayag doon. May tunay na pananalig ba sa Diyos ang gayong mga tao? May takot ba sila sa Diyos? Wala. Hindi sila kailanman maagap na nag-uulat ng tungkol sa gawain, ni hindi sila maagap na nag-uulat tungkol sa mga aberya sa kanilang gawain; hindi sila kailanman nagtatanong, naghahanap, o naghahayag ng tungkol sa mga hamon at kalituhan na naranasan nila sa kanilang gawain, kundi sa halip ay nagagawa pang pagtakpan ang mga bagay na iyon, niloloko at nililinlang ang ibang tao. Walang anumang pagiging hayag sa lahat ng kanilang gawain, at kapag pinilit lang sila ng Itaas na magbigay ng isang makatotohanang ulat at paliwanag na may pag-aatubili silang magsasabi nang kaunti. Mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa magsalita tungkol sa anumang isyu na may kinalaman sa kanilang reputasyon at katayuan—mamamatay sila bago magbigay ng isang salita tungkol doon. Sa halip, nagpapanggap silang hindi nakakaunawa. Hindi ba’t disposisyon iyon ng isang anticristo? Anong uri ng tao ito? Madali bang malutas ang ganitong uri ng problema? Kung bibigyan sila ng Itaas ng patnubay sa kanilang gawain, ano ang saloobin nila tungkol doon? Pagpapabasta-basta. Tila pumapayag sila, at kumukuha pa nga sila ng kuwaderno o kompyuter at puspusang nagtatala—pero kapag nagawa na nila, naunawaan na ba nila ang patnubay at gagawa na sila? (Hindi.) Pumopostura sila para makita mo, nagpapakitang-gilas para mailihis ka. Ano ba talaga ang iniisip nila? “Dahil ibinigay ang gawaing ito sa akin para gawin, ako ang masusunod. Walang maaaring makialam sa gusto kong gawin. ‘Mas may kontrol ang mga lokal na opisyal kaysa sa mga opisyal ng estado,’ kaya mayroon ako ng karapatang ito. Kung hindi iyon ganoon, huwag mo itong ipangasiwa sa akin. Patalsikin mo ako.” Ito ang iniisip nila, at ganito sila kumikilos. Anong disposisyon iyon? Hindi ba’t disposisyon iyon ng isang anticristo? (Ganoon nga.) Nangangahulugan ito ng problema. Hindi ka pinahihintulutang makialam o magtanong, o mag-imbestiga at manguwestiyon. Medyo sensitibo sila riyan. Iniisip nila, “Ito ba ang itaas na sinusubukang suriin ang aking mga problema at suriin ang aking gawain? Sino ang nagsiwalat ng impormasyon?” Sa pagkataranta, nagsisikap silang malaman kung sino ang nagkompromiso sa kanila. Sa huli, nauwi sa dalawa ang mga pinagdududahan nilang tao, at pinalayas nila ang mga ito. Anong problema ito? Ito ang disposisyon ng isang anticristo.
Ano ang pangunahing tanda ng disposisyon ng isang anticristo? Ang pagkapit sa katayuan at pagkontrol sa iba. Nagkakamit sila ng katayuan para kontrolin ang iba. Hangga’t mayroon silang katayuan, lehitimo nilang isasailalim ang mga tao sa kanilang pagkontrol. Bakit sinasabi Kong gagawin nila ito nang lehitimo? Dahil ang trabaho nila ay itinalaga sa kanila ng sambahayan ng Diyos; pinili sila ng mga kapatid para gawin ito. Hindi ba nila mararamdaman sa gayon na lehitimo sila sa paggawa nito? (Oo.) Kaya, nagsisilbi ito sa kanila bilang isang bagay na dapat pakinabangan, iniisip na: “Pinili ninyo ako, hindi ba? Kung pinili ninyo ako, dapat kayong magtiwala sa akin. May kasabihan ang mga walang pananampalataya: ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.’” Dito, gumamit pa nga sila ng satanikong kasabihan. Katotohanan ba ang kasabihang ito? (Hindi.) Ito ay satanikong maling paniniwala at panlilinlang. Kung magtatanong ka tungkol sa kanilang gawain, maglalabas sila ng gayong teorya: “‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.’ Kung ginagamit mo ako, hindi mo ako dapat pagdudahan. Kung hindi mo alam kung anong uri ako ng tao, kung hindi mo ako maintindihan, huwag mo akong gamitin. Pero ginagamit mo ako, at dahil diyan, dapat maging matatag ako sa posisyong ito. Dapat masunod ang sinasabi ko.” Dapat masunod ang sinasabi nila sa lahat ng usapin sa gawain; hindi uubra na hindi sila hahayaan, o na hahanapan sila ng kapareha, o na aatasan ang iba na pangasiwaan o gabayan sila. Kung may darating para siyasatin ang kanilang gawain, tatanggi lang sila—pakiramdam nila ay wala silang ginawang mali at hindi na kailangang siyasatin. Gamit ang mga karapatan, sinasamantala nila ang kanilang katayuan at awtoridad para kontrolin ang iba, ang lugar ng pagtatrabaho, at ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t nagtatatag sila ng isang independiyenteng kaharian? Hindi ba’t isa itong anticristo? Maaaring inatasan sila ng sambahayan ng Diyos na gawin ang trabahong ito at gampanan ang tungkuling ito, pero hindi sila nito pinagagamit ng kapangyarihan bilang isang diktador. Hindi ba’t nagkaroon ng maling pagkaunawa ang gayong tao sa layunin ng Diyos at sa mga pagsasaayos ng Kanyang sambahayan? Bakit palagi niyang hinahangad ang katayuan at kapangyarihan sa halip na gawin nang maayos ang kanyang tungkulin? (Pinamamahalaan siya ng disposisyong anticristo.) Tama iyon—gayon ang disposisyon ng isang anticristo. Bakit nagkakaroon siya ng maling pagkaunawa kapag nagsasaayos ang iglesia ng gawain para sa kanya? Dahil likas na gusto niyang kontrolin ang mga tao. Iyon ang kanyang kalikasang diwa—iyon siya. Magsaayos ka ng gawain para sa kanya, at mararamdaman niyang nagtataglay na siya ngayon ng kapangyarihan at katayuan, at sa gayon ay may kontrol sa kanyang teritoryo. Kung pupunta ka sa kanyang teritoryo, kailangan mong gawin kung ano ang sinasabi niya. Halimbawa, minsang nagsaayos ang sambahayan ng Diyos para suriin ng isang lider ang gawain ng isang anticristo. Ang lider at ang anticristo na iyon ay parehong lider ng iglesia; pareho sila ng ranggo. Sinabi ng anticristo, “Lider ka ng iglesia at lider ako ng iglesia. Pareho tayo ng ranggo. Huwag mo akong pakialaman, at hindi kita pakikialaman. Huwag kang makipagbahaginan sa akin—wala ka sa posisyong gawin iyon! At gusto mong magtanong kung kumusta ang mga bagay sa aming iglesia—inutusan ka ba ng itaas na gawin ito? Ipakita mo sa akin ang ebidensya.” Sinabi ng lider, “Inutusan lang ako ng Itaas na magparating ng isang mensahe. Magtanong ka kung hindi ka naniniwala sa akin.” Sinabi ng anticristo, “Kung gayon ano ang nagbibigay sa iyo ng karapatang makipagbahaginan sa akin at gumawa ng mga akusasyon laban sa akin? Ano ang nagbibigay sa iyo ng karapatang magtanong tungkol sa mga bagay na nasa ilalim ng aking gawain? Wala kang karapatan para gawin iyon!” Naaayon ba ang mga salitang ito sa katotohanan? (Hindi.) Anong pamamaraan ng pagkilos ito? Isang bagay na isang anticristo lang ang gagawa. May isang kasabihan ang mga walang pananampalataya: “Kung malakas ka, tama ka.” Nakikipagkumpitensya sila para makita kung kaninong ranggo ang mas mataas, kung kaninong puwersa ang mas malakas, kung sino ang mas may kakayahan. Nakikipagkumpitensya sila para makita kung sino ang namamahala sa mas maraming tao. At sa sambahayan ng Diyos, nakikipagkumpitensya ang mga anticristo sa iba para makita ang parehong mga bagay na ito. Hindi ba sila napunta sa maling lugar? Ang isang tao ba na nagtataglay ng mga tiwaling disposisyon, pero hindi isang anticristo, ay karaniwang mag-iisip sa ganitong paraan kapag nakakatagpo siya ng isang lider ng iglesia na kapareho niya ng ranggo? Mayroon siyang ibubunyag, pero magagawa niyang makipagbahaginan sa lider na iyon nang normal. Talagang hindi niya sasabihin, “Nasa posisyon ka ba na magtanong tungkol sa gawain ko?” Hindi niya sasabihin iyon, dahil mayroon siyang normal na katwiran, at mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso. Paano aasal ang isang taong may normal na katwiran? Iisipin niya, “Ang pagtatalaga sa atin para pamunuan ang iglesia—pagtataas sa atin iyon ng Diyos; ito ay Kanyang atas, at ito ay ating tungkulin. Kung hindi tayo inatasan ng Diyos na gawin ito, wala tayo. Ito ay hindi isang uri ng opisyal na trabaho. Kaya kong makipagbahaginan sa iyo tungkol sa gawain ng iglesia, at sa kung ano ang nangyayari sa mga kapatid, at sa aking karanasan sa trabaho.” Makikipagbahaginan ba ang isang anticristo sa iba tungkol sa mga bagay na ito? Hindi—talagang hindi niya ibubunyag ang mga ito. Ito ang dahilan kung bakit ang isang katangian ng mga anticristo ay ang pagnanais para sa katayuan at kapangyarihan na humihigit sa mga ordinaryong tao, at ito ang dahilan kung bakit higit pa roon, mas tuso at mapanira sila kaysa sa mga ordinaryong tao. Saan naipamamalas ang kanilang pagiging tuso at mapanira? (Wala silang anumang sinasabi sa iyo. Wala silang anumang direktang sinasabi sa iyo.) Pakiramdam nila na ang bawat bagay ay isang lihim, isang bagay na hindi nila dapat sabihin sa iba. Sa bawat usapin, mapagbantay sila sa iba; pinananatili nilang nakabalot, nakatakip, at nakatago ang lahat. Maaari ba silang magkaroon ng normal na pakikipag-ugnayan at komunikasyon sa kanilang mga pakikitungo sa iba? Makakapagsabi ba sila ng anumang bagay mula sa puso? Hindi. Nagbibigay lang sila ng ilang mababaw na kasabihan at kaaya-ayang salita, para pigilan kang makita ang tunay na sitwasyon. Pagkatapos mong makipag-ugnayan sa kanila nang ilang sandali, mararamdaman mo, “Sa itsura, tila hindi masama ang taong ito, pero bakit palagi kong nararamdaman na napakalayo ng puso niya sa ibang tao? Bakit palaging nakakailang na makipag-ugnayan sa kanya? Palagi kong nararamdaman na hindi siya maarok.” May ganoon ka bang pakiramdam? (Oo.) Iyon ang disposisyon ng isang anticristo: Mapagbantay siya sa lahat. At bakit siya mapagbantay? Dahil sa nakikita niya, sinuman ay maaaring magdulot ng banta sa kanyang katayuan. Kung hindi siya mag-iingat, kung hindi siya magiging mapagbantay, maaaring mapahintulutan niya ang iba na malaman kung ano talaga ang nangyayari sa kanya, ang tunay na sarili niya—at ang kanyang katayuan ay hindi na mapapanatili. Kaya, kapag nakakatagpo siya ng isang tao na nagtatanong tungkol sa kalagayan ng kanyang trabaho at sa kanyang tungkulin, o nagtatanong tungkol sa kanyang personal na kalagayan, pagtatakpan niya ang kaya niyang pagtakpan at tatapusin ang kaya niyang tapusin. Kung ano ang hindi niya kayang tapusin, gagawa siya ng paraan para magpalusot, o itatago niya ang sarili niya mula sa iyo. May ilang anticristo na may kakaibang disposisyon: Kahit naninirahan sila kasama ng iba, hindi mo sila makikitang nagkakaroon ng mga normal na pakikipag-ugnayan sa sinuman, at wala silang normal na komunikasyon sa iba. Araw-araw, hindi sila nakikisalamuha sa iba, lumilitaw sa oras ng pagkain at naglalahong muli pagkatapos. Palagi silang nawawala. Bakit hindi sila nakikipag-ugnayan sa iba? Sasabihin nila ang anuman sa kanilang pamilya, kaya bakit wala silang masabi sa mga kapatid? May kasabihan ang mga walang pananampalataya: “Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali.” Nakatuon ang gayong mga tao sa paniniwalang ito; hindi nila hahayaan ang sarili nilang magsalita nang walang ingat, dahil maaaring mailantad ng sinasabi nila ang kanilang layunin, inilalantad ang kanilang kahinaan. Hindi masasabi kung aling salita ang makapagpapababa ng tingin ng iba sa kanila at makapagpapaalam sa iba kung ano talaga ang nangyayari sa kanila, kaya ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para maiwasan ang iba. Hindi ba sinasadya ang pag-iwas na ito, o may isang bagay ba sa loob nito na namamahala rito? May isang bagay roon, pinamamahalaan ito. Makatarungan at marangal ba ang bagay na iyon, o kaduda-duda ba ito? (Kaduda-duda ito.) Siyempre kaduda-duda ito. Hindi ito ang tanging paraan na umaasal ang mga anticristo—kadalasan, hindi sila nakikipag-usap o nakikipag-ugnayan nang normal sa iba; minsan, gayumpaman, napakahusay nilang magsalita at nakakapagsalita sila—pero anong mga bagay ang sinasabi nila? Ano ang nilalaman ng mga ito? Nangangaral sila ng mga salita at doktrina, nagpapakitang-gilas sila. Sinasabi nila na kaya nilang gumawa ng aktuwal na gawain at lumutas ng mga aktuwal na problema, gayong sa katunayan, wala silang anumang tunay na kasanayan. Tanungin mo sila kung anong mga kakulangan mayroon sila, kung may mapagmataas na disposisyon sila, at sasabihin nila “Sino sa tiwaling sangkatauhan ang hindi mayabang?” Tumingin ka roon—maging ang kayabangan nila ay may batayan. Kabilang dito ang lahat sa loob nito, na para bang medyo tama ang kayabangan nila. Hindi nila kailanman hahanapin ang katotohanan, at tila hindi nila naiintindihan na may anumang problema o paghihirap sa gawain. At hindi mo malalaman ang totoong sitwasyon sa pagtatanong sa kanila. Kapag wala silang magawa, tahimik lang silang uupo roon, at sa tuwing nagsasalita sila, magsasalita sila tungkol sa kanilang mga kuwalipikasyon. Hindi sila kailanman nagtatapat; hindi nila sinasabi kung anong paghihimagsik o labis na pagnanais ang nasa kalooban nila, o kung paano nila sinusubukang gumawa ng mga kasunduan sa Diyos, o kung kanino sila nagsinungaling, o kung ano ang mga ambisyon nila sa paggawa ng gawain. Hindi nila kailanman binabanggit ang mga isyung ito, at kapag ginagawa ito ng iba, hindi sila interesado. Kahit na sa mga tanong na may kinalaman sa mga bagay na saklaw ng kanilang gawain, pahapyaw lang silang magsasalita nang kaunti. Sa madaling salita, sinumang nakikipag-ugnayan sa kanila, sa anumang haba ng panahon, ay labis na mahihirapan kung nais nilang matuto nang higit pa tungkol sa anumang bagay sa loob ng saklaw ng kanilang tungkulin, may kaugnayan man ito sa mga tauhan, propesyonal na kasanayan, o pag-usad ng gawain. Anuman ang anggulo ng iyong pamamaraan—sinusubukan mo mang ipasok ang iyong tanong sa di-tuwirang paraan, o itanong ito nang direkta, o itanong ito sa isang taong malapit sa kanila—hindi ka madaling makakakuha ng mga resulta. Napakamatrabaho nito. Hindi ba’t mapaminsala iyon? (Oo.) Bakit napakamatrabahong kumuha ng anumang impormasyon tungkol sa mga bagay mula sa kanila? Bakit pinananatili nilang mahigpit na nakatago ang mga bagay? Ano ang layunin nila? Gusto nilang manatiling sigurado sa kanilang katayuan at kabuhayan. Naniniwala sila, “Hindi madaling bagay na makuha ang katayuang ito, ang makarating sa kung nasaan ako ngayon—hindi ba’t mangangahulugan ito ng problema para sa akin kung gagawin kong hangal ang sarili ko sa paggawa ng pagkakamali sa isang sandali ng kawalang-ingat? At bukod pa rito, kung alam ng sambahayan ng diyos ang masasamang bagay na nagawa ko, sino ang magsasabi kung pangangasiwaan nila ako?” Gaano ka man magsalita tungkol sa pagiging bukas, at pagiging isang matapat na tao, at paggawa ng isang tungkulin nang tapat, makakarating ba ito sa kanila? Hindi, hindi ito makakarating. Para sa kanila, isa lang ang kredo: Ang walang ingat na pagsasalita ay nagdudulot ng kapahamakan. Kung sasabihin mo sa iba ang lahat, wala kang kakayahan—isang walang kuwenta! Iyon ang kredo nila. Ganyan ang disposisyon ng mga anticristo.
Anumang gawain ang ginagawa ng isang anticristo, pinagbabawalan niya ang iba na makialam o magtanong, at higit pa ay pinagbabawalan niya ang sambahayan ng Diyos sa pangangasiwa sa kanya. Ano ang layunin niya sa paggawa nito? Pangunahing nais niya na kontrolin ang mga hinirang na tao ng Diyos, na masiguro ang kanyang katayuan at ang kanyang kapangyarihan, na nangangahulugang sinisiguro niya ang kanyang kabuhayan. Iyon ang kanyang pangunahing layunin. Kung kayo ay isang lider o manggagawa, natatakot ba kayong tanungin at pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang inyong gawain? Natatakot ba kayong matuklasan ng sambahayan ng Diyos ang mga kapabayaan at kamalian sa inyong gawain at pungusan kayo? Natatakot ba kayo na kapag nalaman na ng Itaas ang inyong tunay na kakayahan at tayog, maiiba ang tingin nila sa inyo at hindi kayo ikokonsidera na taasan ng ranggo? Kung may ganito kang mga kinatatakutan, pinatutunayan nito na hindi para sa kapakanan ng gawain ng iglesia ang mga motibasyon mo, nagtatrabaho ka alang-alang sa reputasyon at katayuan, na nagpapatunay na may disposisyon ka ng isang anticristo. Kung may disposisyon ka ng isang anticristo, malamang na tahakin mo ang landas ng mga anticristo, at gawin ang lahat ng kasamaang inihasik ng mga anticristo. Kung, sa iyong puso, hindi ka natatakot na pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang iyong gawain, at nagagawa mong magbigay ng mga totoong sagot sa mga katanungan at pag-uusisa ng Itaas, nang walang itinatagong anuman, at sinasabi kung ano ang nalalaman mo, kung gayon tama man o mali ang sinasabi mo, kahit ano pang katiwalian ang naibunyag mo—kahit naibunyag mo pa ang disposisyon ng isang anticristo—siguradong hindi ka tutukuyin na isang anticristo. Ang susi ay kung nagagawa mo bang alamin ang sarili mong disposisyon ng isang anticristo, at kung nagagawa mo bang hanapin ang katotohanan upang malutas ang problemang ito. Kung isa kang taong tinatanggap ang katotohanan, maaayos ang iyong anticristong disposisyon. Kung alam na alam mo na mayroon kang disposisyon ng isang anticristo pero hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ito, kung sinusubukan mo pang pagtakpan o pagsinungalingan ang mga problemang nagaganap at iwasan ang responsabilidad, at kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan kapag isinasailalim ka sa pagpupungos, kung gayon ay isa itong seryosong problema, at wala kang ipinagkaiba sa isang anticristo. Nababatid mong may disposisyon ka ng isang anticristo, bakit hindi ka nangangahas na harapin ito? Bakit hindi mo ito maharap nang tapatan at sabihing, “Kung magtatanong ang Itaas tungkol sa aking gawain, sasabihin ko ang lahat ng alam ko, at kahit malantad pa ang masasamang bagay na nagawa ko, at hindi na ako gamitin ng Itaas sa sandaling malaman nila, at mawalan ako ng katayuan, sasabihin ko pa rin nang malinaw ang kailangan kong sabihin”? Ang takot mong pangasiwaan at kuwestiyunin ang gawain mo ng sambahayan ng Diyos ay nagpapatunay na mas pinahahalagahan mo ang iyong katayuan kaysa sa katotohanan. Hindi ba ito ang disposisyon ng isang anticristo? Ang pagpapahalaga sa katayuan nang higit sa lahat ay disposisyon ng isang anticristo. Bakit mo pinakakaingatan nang husto ang katayuan? Ano ang mga kapakinabangang makukuha mo mula sa katayuan? Kung naghatid sa iyo ng kapahamakan, mga paghihirap, kahihiyan, at pasakit ang katayuan, pakakaingatan mo pa rin ba ito? (Hindi.) Napakaraming kapakinabangang nagmumula sa pagkakaroon ng katayuan, mga bagay na tulad ng inggit, paggalang, pagpapahalaga, at matatamis na salita mula sa ibang mga tao, pati na ang kanilang paghanga at pagpipitagan. Nariyan din ang pakiramdam na angat ka at may pribilehiyo na dulot ng iyong katayuan, na nagbibigay sa iyo ng karangalan at diwa ng pagpapahalaga sa sarili. Dagdag pa rito, matatamasa mo rin ang mga bagay-bagay na hindi natatamasa ng iba, tulad ng mga benepisyo ng katayuan at espesyal na pagtrato. Ito ang mga bagay na ni hindi ka nangangahas na isipin, at ang mga inaasam-asam mo sa iyong mga panaginip. Pinahahalagahan mo ba ang mga bagay na ito? Kung hungkag lamang ang katayuan, walang tunay na kabuluhan, at walang layunin ang pagtatanggol dito, hindi ba kahangalang pahalagahan ito? Kung kaya mong bumitaw sa mga bagay na tulad ng mga interes at tinatamasa ng laman, hindi ka na matatali sa katanyagan at pakinabang. Kaya, ano muna ang kailangang malutas para maresolba ang mga isyung nauugnay sa pagpapahalaga at paghahangad sa katayuan? Una, kilatisin ang kalikasan ng problema ng paggawa ng masama at panlilinlang, pagtatago, at pagtatakip, maging pagtanggi sa pangangasiwa, pagtatanong, at pagsusuri ng sambahayan ng Diyos, upang matamasa ang mga benepisyo ng katayuan. Hindi ba’t ito ay lantarang paglaban at pagsalungat sa Diyos? Kung mahahalata mo ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pagnanasa sa mga benepisyo ng katayuan, malulutas ang problema ng paghahangad ng katayuan. Kung hind imo kayang makilatis ang diwa ng pagnanasa sa mga benepisyo ng katayuan, hindi malulutas ang problemang ito kailanman.
Nakikipagtulungan ba kayo para gumawa ng gawain at gampanan ang inyong mga tungkulin? Tumatanggap ba kayo ng pangangasiwa? May nagawa ba kayong anuman para pigilan ang iba na makialam o magtanong? Kung may nagtatanong, nilalabanan ninyo ba sila at sinasabi, “Sino ka sa tingin mo, nakikialam sa gawain ko? Mas mataas ako ng isang ranggo sa iyo sa katayuan, at masusunod ang aking sinasabi sa aking gawain. Hindi nagtanong ang Itaas, kaya ano ang nagbibigay sa iyo ng karapatan?” May katulad ba niyan? Ano ang pangunahing disposisyon ng mga anticristo? Pag-okupa sa katayuan at pagsunggab sa kapangyarihan; hindi paggawa ng anumang bagay na makikinabang ang gawain ng sambahayan ng Diyos, anumang bagay na nagmumula sa pagsasaalang-alang para sa mga interes nito, pero nagiging pabasta-basta at mapanlinlang, at nagiging pabaya. Sa panlabas ay tila medyo masigla silang abala sa kanilang mga gawain, pero tingnan mo ang mga bagay na ginagawa nila, na una, ay walang pag-usad; pangalawa, ay hindi mahusay; at pangatlo, walang gaanong epekto—ganap na magulo ang pagkakagawa sa mga ito. May isang bagay lang silang hindi nila pinakakawalan, at iyon ay ang paggamit ng pagkakataong ibinibigay ng kanilang trabaho para hawakan ang kapangyarihan at huwag bumitaw. Ayos sila hangga’t mayroon silang kapangyarihan. Anumang trabaho ang ginagawa nila, may kinalaman man ito sa isang propesyon, sa mga panlabas na usapin, sa teknikal na kasanayan, o sa iba pang aspekto, walang pagiging bukas dito, sa kabuuan. Hindi ba sinasadya ang kawalan na ito ng pagiging bukas? Hindi—ang hindi sinasadya ay hindi disposisyonal, kundi may kinalaman sa kawalan ng kakayahan at sa hindi pagkaalam kung paano gagawin ang trabaho. Bakit, kung gayon, sinasabi Ko na ang disposisyong ito ay ang disposisyon ng isang anticristo? Kumikilos sila nang sinasadya. May layunin sila sa kalooban nila: Sinasadya nilang pigilan kang malaman ang mga bagay na ito, at sinasadyang magtago sa iyo at umiwas na makita ka. Binabawasan nila ang pagsasalita at komunikasyon nila sa iyo; binabawasan nila ang kanilang mga pakikipag-usap sa iyo. Binabawasan nila ang kanilang paglalantad ng mga bagay na ito, para hindi mo sila palaging sisisihin at hindi ka palaging magtatanong sa kanila, para hindi masyadong marami ang iyong malalaman tungkol sa kung ano talaga ang nangyayari, para hindi mo mahahalata ang tunay nilang mukha. Hindi ba’t sinasadya iyon? Hindi ba’t may intensyon dito? Ano ang intensyon at layunin nila? Nais ka nilang linlangin, para makapagpanggap sila; binibigyan ka nila ng maling impresyon at pinipigilan kang malaman ang totoong lagay ng mga bagay. Sa ganoong paraan, masisiguro nila ang kanilang katayuan, na ikalulugod nila. Hindi ba’t iyon ang kalikasan nito? (Ito nga.) Ito ang disposisyon ng mga anticristo, sinasadyang manlinlang, manloko, at pagtakpan ang mga bagay-bagay. Sinasadya ang lahat ng ito. Sabihin mo sa Akin, anong programa sa gawain ang naroon na nagpapanatiling abala sa mga tao na wala silang oras para makipagkita sa iba? Wala, tama? Walang programa sa gawain ang ginagawang sobrang abala ang isang tao na wala na siyang oras para kumain o matulog, o anumang oras para makipagkita sa iba. Hindi pa nagiging ganoon kaabala ang mga bagay-bagay. Maaaring mapunan ang oras para sa mga bagay na iyon. Kaya, bakit walang oras ang mga taong ito? Ayaw nilang makipagkita sa iyo; ayaw nilang magtanong ka tungkol sa kanilang gawain. Hindi ba’t iyon ang disposisyon ng isang anticristo? (Iyon nga.) Anong uri ng mga tao sila? Hindi ba’t sila ay mga hindi mananampalataya? Sila ay mga hindi mananampalataya—bawat isang anticristo ay hindi mananampalataya. Kung hindi, hindi nila aagawin ang gawain sa sambahayan ng Diyos, o kokontrolin ang mga sumusunod sa Diyos sa ilalim ng kanilang sariling kapangyarihan. Hindi nila gagawin ang mga bagay na tulad niyon. Ang unang pag-uugali ng mga hindi mananampalataya ay na wala talaga silang may-takot-sa-Diyos na puso. Nagpapakana sila para sa sarili nilang mga interes, sa pagkukunwari ng pananalig sa Diyos; sila ay matapang at walang ingat, hindi talaga natatakot. Ang kanilang pananalig sa Diyos ay hindi tunay na pananampalataya, kundi isang islogan. Wala talaga silang takot sa Diyos sa kanilang puso.
Anong saloobin ang tinataglay ng ilang tao sa sandaling marinig nilang binabalak ng isang tao na makialam sa at pangasiwaan ang kanilang gawain? “Ayos lang ang pangangasiwa. Tinatanggap ko ang pangangasiwa. Ayos lang din ang pagtatanong—pero kung talagang pangangasiwaan mo ako, wala nang magiging paraan para magpatuloy ako sa aking gawain. Matatali ang aking mga kamay. Kung palaging ikaw ang may huling salita at gagawin akong tagapagpatupad, hindi ako makakapagtrabaho. ‘Isa lang ang lalaking maaaring manguna.’” Hindi ba’t teorya ito? Ito ang teorya ng mga anticristo. Anong disposisyon ang tinataglay ng isang taong nagsasabi nito? Ito ba ang disposisyon ng isang anticristo? Ano ang ibig sabihin nito, “Isa lang ang lalaking maaaring manguna”? Hindi nga niya pahihintulutan ang Itaas na magtanong. Kung hindi nagtanong ang Itaas, hindi ba’t lalabag sa katotohanan ang mga kilos mo? May gagawin ka bang mali dahil sa mga pagtatanong? Ididiskaril ba ng Itaas ang gawain mo? Sabihin mo sa Akin, nagbibigay ba ang Itaas ng patnubay sa gawain, nagtatanong tungkol dito, at nangangasiwa rito para matiyak na matatapos ito nang mas mahusay, o mas masahol pa? (Mas mahusay.) Buweno, bakit hindi tinatanggap ng ilang tao ang mga pinahusay na resultang iyon? (Pinamamahalaan sila ng disposisyon ng isang anticristo.) Tama iyon. Ito ang kanilang disposisyong anticristo—hindi nila mapigilan ang kanilang sarili. Sa sandaling magtanong ang isang tao tungkol sa gawain na kanilang responsabilidad, naiinis sila rito. Pakiramdam nila na ibibigay sa iba ang kanilang mga interes, gayundin ang kanilang katayuan at kapangyarihan. Kaya, nababalisa sila. Pakiramdam nila ay nagulo ang kanilang mga plano at pamamaraan. At gagana ba iyon para sa kanila? Kung itinataguyod ng Itaas ang isang tao at inatasan ang taong iyon na makipagtulungan sa kanila, iniisip nila, “Wala akong planong gamitin ang taong ito, pero iginigiit ng itaas na magaling siya at itinalaga siya sa mas mataas na posisyon. Hindi maganda ang pakiramdam ko tungkol dito. Paano ako magtatrabaho sa pakikipagtulungan sa kanya? Kung gagamitin siya ng itaas, magbibitiw na lang ako!” Sinasabi nila ito sa salita, pero sa katunayan ba ay magagawa nilang bitiwan ang kanilang katayuan? Hindi nila magagawa—ang ginagawa nila ay mapaghamon. Papayag ba sila sa sinumang gumagawa ng trabaho na nagbabanta sa kanilang katayuan, na hindi nag-aangat sa kanila, na sumasabotahe sa kanilang kasalukuyang senaryo? Hindi, hindi sila papayag. Kapag itinatalaga ng Itaas sa mas mataas na posisyon ang isang tao o pinapalitan ang isang tao, halimbawa, ano ang iniisip nila? “Sampal sa mukha ko iyan! Hindi man lang nga sila dumaan sa akin. Bukod sa lahat, lider pa rin ako—bakit wala silang sinasabi sa akin nang maaga? Bakit, para bang wala talaga akong kuwenta!” Sino ka ba ha? Trabaho mo ba iyon? Una, hindi mo ito teritoryo, at pangalawa, hindi ka sinusunod ng mga taong ito, kaya bakit kailangan mong maging masyadong mahalaga sa kanila? Naaayon ba iyon sa katotohanan? Aling katotohanan? May mga prinsipyo sa pagtatalaga ng Itaas sa mas mataas na posisyon sa isang tao o sa pagpapalit nila sa isang tao. Bakit itinatalaga ng Itaas ang isang tao sa mas mataas na posisyon? Dahil kailangan siya para sa gawain. Bakit pinapalitan ng Itaas ang isang tao? Dahil hindi na siya kailangan para sa gawain—hindi niya kayang gawin ang trabaho. Kung hindi mo siya papalitan, at hindi pa nga hahayaan ang Itaas na gawin ito, hindi ba’t hindi ka tinatablan ng katwiran? (Oo.) Sinasabi ng ilan, “Para tanggalin ng itaas ang isang tao—gaano kalaking kahihiyan ang idinudulot nito sa akin. Kung binabalak nilang palitan ang isang tao, dapat nilang sabihin ito sa akin sa pribado, at gagawin ko ito. Trabaho ko iyon; bahagi ito ng aking nasasaklawan. Kung papalitan ko siya, ipapakita nito sa lahat kung gaano ako mapanuri sa mga tao, at na kaya kong gumawa ng aktuwal na gawain. Isang karangalan iyon!” Ganito ba kayo mag-isip? Gusto ng ilang tao ang mabuting pangalan at karangalan, at nagbibigay sila ng mga katwirang tulad nito. Gagana ba iyon? May saysay ba iyon? Sa isang banda, ginagawa ng sambahayan ng Diyos ang gawain nito alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo; sa isa pa, gumagana ito ayon sa mga kasalukuyang kondisyon. Walang tinatawag na paglabag sa mga hangganan, lalo na pagdating sa mga ginagawa ng Itaas na pagtatalaga sa mas mataas na posisyon at pagpapalit, o ang kanilang patnubay at mga tagubilin para sa ilang proyektong gawain—sa gayong mga kaso, lalo pa ngang hindi ito isang usapin ng paglaktaw sa isang antas ng pamumuno. Kaya, bakit hinahanap ng isang anticristo ang mga pagkakamaling ito? Isang bagay ang sigurado: Hindi niya nauunawaan ang katotohanan, kaya tinatasa niya ang gawain sa sambahayan ng Diyos gamit ang kanyang utak ng tao at ang mga prosesong iyon na nasa mundo. Higit pa riyan, ang kanyang pangunahing layunin ay nananatiling pangangalaga sa sarili, at dapat tinataglay niya ang kanyang karangalan. Mapanlinlang at tuso siya sa lahat ng bagay na ginagawa niya; hindi niya maaaring hayaang makita ng mga taong nasa ilalim niya na mayroon siyang anumang depekto o pagkukulang. Hanggang saan niya pananatilihin ang kanyang pagpapanggap? Hanggang sa makita siya ng iba bilang walang kapintasan, walang anumang katiwalian o mga pagkukulang. Makikita ng iba na angkop na gamitin siya ng Itaas at na dapat siyang piliin ng mga kapatid—perpekto siyang tao. Hindi ba’t iyon ang gusto niyang mangyari? Hindi ba’t iyon ang disposisyon ng isang anticristo? (Ito nga.) Oo, iyon ang disposisyon ng isang anticristo.
Ang pagbabahaginan natin ngayon lang ay tungkol sa isa sa mga pangunahing pag-uugali ng mga anticristo—tinatanggihan nilang tulutan ang iba na makialam, magtanong, o mangasiwa sa kanila sa kanilang gawain. Anumang mga pagsasaayos ang ginagawa ng sambahayan ng Diyos para masubaybayan ang kanilang gawain, o higit na malaman ang tungkol dito, o pangasiwaan ito, gagamit sila ng lahat ng uri ng teknik para hadlangan at tanggihan ang mga ito. Bilang halimbawa, kapag itinalaga ng Itaas ang ilang tao sa isang proyekto, lumilipas ang ilang panahon nang wala talagang anumang pag-usad. Hindi nila sinasabi sa Itaas kung ginagawa nila ito, o kung kumusta ito, o kung nagkaroon ba ng anumang nakaaabalang mga paghihirap o problema. Hindi sila nagbibigay ng feedback. Ang ilan sa gawain ay apurahan at hindi maaaring maantala, pero nagbabagal sila, pinatatagal ito nang mahabang panahon nang hindi tinatapos ang gawain. Dapat nang magtanong ang Itaas. Kapag ginagawa ito ng Itaas, nakararamdam ng matinding pagkahiya ang mga taong iyon mula sa mga pagtatanong, at nilalabanan nila ang mga ito sa kanilang puso: “May sampung araw pa lang mula nang itinalaga sa akin ang trabahong ito. Hindi pa nga ako nasasanay, at agad, nagtatanong na ang Itaas. Masyado lang mataas ang hinihingi nila sa mga tao!” Nandyan sila, naghahanap ng mga pagkakamali sa mga pagtatanong. Ano ang problema rito? Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t talagang normal para sa Itaas na magtanong? Bahagi nito ay ang pagnanais na higit na malaman ang tungkol sa kalagayan ng pag-usad ng gawain, pati na rin ang kung anong mga paghihirap ang nananatiling dapat lutasin; bukod pa riyan, ito ay isang pagnanais na higit pang malaman ang tungkol sa kung anong uri ng kakayahan mayroon ang mga taong itinalaga nila sa gawaing ito, at kung talagang malulutas nila ang mga problema at magagawa ang trabaho nang maayos. Gustong malaman ng Itaas kung ano ang mga katunayan, at kadalasan, nagtatanong sila sa gayong mga pangyayari. Hindi ba’t isang bagay iyon na dapat nilang gawin? Nag-aalala ang Itaas na hindi mo alam kung paano lutasin ang mga problema at hindi mo kayang pangasiwaan ang trabaho. Kaya nagtatanong sila. Medyo palaban at nasusuklam ang ilang tao sa gayong mga pagtatanong. Ayaw nilang hayaang magtanong ang mga tao, at hangga’t ginagawa ito ng mga tao, lumalaban sila at may mga pag-aalinlangan, palaging nag-iisip, “Bakit palagi silang nagtatanong at naghahanap na mas marami pang malaman? Ito ba ay dahil wala silang tiwala sa akin at minamaliit nila ako? Kung wala silang tiwala sa akin, hindi nila ako dapat gamitin!” Hindi nila kailanman nauunawaan ang mga pagtatanong at pangangasiwa ng Itaas, sa halip ay nilalabanan ang mga ito. May katwiran ba ang ganitong mga tao? Bakit hindi nila pinahihintulutan ang Itaas na magtanong at mangasiwa sa kanila? Saka bakit sila mapanlaban at mapanghamon? Ano ang problema rito? Wala silang pakialam kung epektibo ang pagganap nila sa kanilang tungkulin o kung nakahahadlang ito sa pag-usad ng gawain. Hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin, sa halip ay ginagawa nila ang anumang gustuhin nila. Hindi nila iniisip ang mga resulta o kahusayan ng gawain, at talagang hindi nila iniisip ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, lalong hindi ang kung ano ang nilalayon at hinihingi ng Diyos. Ang pag-iisip nila ay, “May sarili akong mga paraan at nakagawian sa paggawa ng aking tungkulin. Huwag masyadong humingi sa akin o maging masyadong detalyado sa paghingi sa akin ng mga bagay-bagay. Sapat na na nagagawa ko ang aking tungkulin. Hindi ako puwedeng masyadong mapagod o magdusa nang sobra.” Hindi nila nauunawaan ang mga katanungan at mga pagtatangka ng Itaas na malaman ang higit pa tungkol sa kanilang gawain. Ano ang kulang sa kawalan nilang ito ng pang-unawa? Hindi ba’t nawawala rito ang pagpapasakop? Hindi ba’t nawawala rito ang pagpapahalaga sa responsabilidad? Katapatan? Kung tunay silang responsable at tapat sa paggawa ng kanilang tungkulin, tatanggihan ba nila ang mga pagtatanong ng Itaas sa kanilang trabaho? (Hindi.) Mauunawaan nila ito. Kung talagang hindi nila ito nauunawaan, iisa lang ang posibilidad: Nakikita nila ang kanilang tungkulin bilang bokasyon nila at kabuhayan nila, at sinasamantala nila ito, itinuturing ang tungkulin na kanilang ginagawa bilang isang kondisyon at pang-negosasyon para makakuha ng gantimpala sa lahat ng oras. Gagawa lang sila ng kaunting prestihiyosong gawain para makalusot sa Itaas, nang walang anumang pagtatangka na tanggapin ang atas ng Diyos bilang tungkulin nila at obligasyon nila. Kaya, kapag nagtatanong ang Itaas tungkol sa kanilang trabaho o pinangangasiwaan ito, nagkakaroon sila ng nasusuklam at mapanlaban na balangkas ng pag-iisip. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Saan nagmumula ang problemang ito? Ano ang diwa nito? Ito ay na mali ang kanilang saloobin sa proyektong gawain. Iniisip lang nila ang kaginhawahan at kasiyahan ng laman, ang kanilang sariling katayuan at karangalan, sa halip na isipin ang pagiging epektibo ng gawain at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Hindi talaga nila hinahangad na kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung mayroon talaga silang kaunting konsensiya at katwiran, mauunawaan nila ang mga pagtatanong at pangangasiwa ng Itaas. Masasabi nila, mula sa puso, “Mabuti na lang at nagtatanong ang Itaas. Kung hindi, palagi akong susunod sa sarili kong kalooban, na makahahadlang sa pagiging epektibo ng trabaho, o masisira pa nga ito. Nagbabahagi ang Itaas at nagsusuri ng mga bagay-bagay, at talagang nakalutas ito ng mga aktuwal na problema—napakabuting bagay niyon!” Ipapakita nito sa kanila na maging isang responsableng tao. Natatakot sila na kung gagawin nila ang trabaho sa sarili nila, kung nagkaroon ng pagkakamali o aberya, at nagdulot ito ng kawalan sa gawain sa sambahayan ng Diyos na walang paraan para lunasan, iyon ay magiging isang responsabilidad na hindi nila makakayanan. Hindi ba’t pagpapahalaga iyon sa responsabilidad? (Ganoon nga.) Ito ay pagpapahalaga sa responsabilidad, at senyales ito na tinutupad nila ang kanilang katapatan. Ano ang tumatakbo sa isipan ng mga taong hindi hahayaang magtanong ang iba sa kanilang gawain? “Ang trabahong ito ay aking gawain, dahil ako ang itinalaga rito. Ako ang nagpapasya sa sarili kong gawain; hindi ko kailangang makisali ang ibang tao!” Isinasaalang-alang nila ang mga bagay-bagay sa sarili nila, at ginagawa ang gusto nilang gawin, ayon sa idinidikta ng kanilang personalidad. Ginagawa nila ang anumang magbibigay sa kanila ng pakinabang, at walang sinuman ang pinahihintulutang magtanong tungkol sa mga bagay-bagay—walang sinuman ang pinahihintulutang malaman ang tunay na kalagayan ng mga usapin. Kung tatanungin mo sila, “Kumusta ang gawaing iyon?” Sasabihin nila, “Maghintay ka.” Kung tatanungin mo sila pagkatapos, “Paano ito umuusad?” Sasabihin nila, “Malapit na.” Anuman ang itinatanong mo sa kanila, magsasabi lang sila ng isa o dalawang salita. Maglalabas lang sila ng ilang salita sa isang pagkakataon, at hindi na hihigit pa riyan—hindi sila magbibigay ng isang tumpak at tiyak na pangungusap. Hindi ka ba nasusulasok na makipag-usap sa ganitong mga tao? Halatang ayaw nilang magsabi ng kahit ano pa sa iyo. Kung magtatanong ka pa nang mas marami, mawawalan sila ng pasensya: “Tanong ka nang tanong tungkol sa maliit na bagay na iyon, na para bang hindi ko kayang tapusin ang mga bagay-bagay—na para bang hindi ako karapat-dapat para sa gawain!” Ayaw lang talaga nilang hayaan ang mga tao na magtanong. At kung patuloy mo silang kukuwestiyunin, sasabihin nila, “Ano ba ako sa iyo, isang asno o kabayo para utus-utusan? Kung wala kang tiwala sa akin, huwag mo akong gamitin; kung gagamitin mo ako, kailangan mong magtiwala sa akin—at ang pagtitiwala sa akin ay nangangahulugang hindi ka dapat palaging nagtatanong!” Ito ang uri ng saloobin na mayroon sila. Tinatrato ba nila ang programang gawain bilang isang tungkulin na dapat nilang gawin? (Hindi.) Hindi tinatrato ng mga anticristo ang gawain bilang kanilang tungkulin, kundi bilang isang pang-negosasyon para makakuha ng mga pagpapala at isang gantimpala. Kontento na sila sa pagtatrabaho lang, na gusto nilang ipagpalit sa mga pagpapala. Iyon ang dahilan kung bakit gumagawa sila nang may pabasta-bastang saloobin. Ayaw nilang makialam ang iba sa kanilang gawain, sa isang bahagi, para mapanatili ang kanilang dignidad at karangalan. Naniniwala sila na ang tungkulin na kanilang ginagampanan at ang trabahong ginagawa nila ay personal nilang pagmamay-ari, na mga pribadong usapin nila ang mga ito. Iyon ang dahilan kung bakit hindi nila hinahayaan ang iba na makialam. Ang isa pang bahagi nito ay na kung nagawa nila nang maayos ang gawain, maaari nilang angkinin ang kredito para dito at humiling na magantimpalaan. Kung may nakialam, ang kredito ay hindi na mapupunta sa kanila lang. Natatakot sila na maagaw ng iba ang kredito mula sa kanila. Kaya naman talagang hindi sila papayag sa pakikialam ng iba sa kanilang gawain. Hindi ba’t makasarili at ubod ng sama ang mga taong tulad ng mga anticristo? Anumang tungkulin ang ginagawa nila, para lang silang umaasikaso sa kanilang mga pribadong usapin. Hindi nila hahayaang makialam o makilahok ang iba, anupaman ang mangyari kapag may ginagawa silang isang bagay sa sarili nila. Kung gagawin nila nang maayos ang bagay, hahayaan lang nilang mapunta ang kredito sa kanila lang, para hindi hayaan ang iba na umangkin ng bahagi ng kredito at mga resulta ng gawain. Hindi ba’t magulo ito? Anong disposisyon ito? Disposisyon ito ni Satanas. Kapag kumikilos si Satanas, hindi nito pinahihintulutan ang pakikialam ng sinuman, nais nitong magkaroon ng huling salita sa lahat ng ginagawa nito at kontrolin ang lahat ng bagay, at walang sinumang maaaring mangasiwa o magtanong ng anuman. Kung makialam o pumagitna ang sinuman, lalo namang hindi ito mapahihintulutan. Ganito kumilos ang isang anticristo; kahit ano pa ang ginagawa niya, walang sinumang puwedeng magtanong ng anuman, at kahit paano pa siya kumilos sa likod ng mga eksena, walang puwedeng makialam. Ganito ang pag-uugali ng isang anticristo. Ganito siya kumilos dahil sa isang banda mayroon siyang lubhang mapagmataas na disposisyon at isa pa walang-wala siyang katwiran. Ganap siyang hindi nagpapasakop, at hindi niya pinahihintulutan ang sinuman na pangasiwaan siya o inspeksyunin ang kanyang gawain. Tunay ngang mga kilos ito ng isang demonyo, na ibang-iba sa mga kilos ng normal na tao. Sinumang gumagawa ng gawain ay nangangailangan ng kooperasyon ng iba, kailangan niya ng tulong, mga mungkahi, at kooperasyon ng ibang tao, at kahit pa may isang taong nangangasiwa o nagmamasid, hindi ito isang masamang bagay, kinakailangan ito. Kung may mangyari mang mga pagkakamali sa isang bahagi ng gawain, at natukoy ang mga ito ng mga taong nagmamasid at inayos ang mga ito kaagad, at naiwasan ang mga kawalan sa gawain, hindi ba’t malaking tulong ito? Kaya naman, kapag gumagawa ng mga bagay-bagay ang matatalinong tao, gusto nilang pinangangasiwaan, inoobserbahan, at tinatanong sila ng ibang tao. Kung sakali mang may mangyari ngang pagkakamali, at nagawa itong ipaalam ng mga taong ito, at maitutuwid kaagad ang pagkakamali, hindi ba ito isang mas kanais-nais na kinahinatnan? Walang sinuman sa mundong ito ang hindi nangangailangan ng tulong ng iba. Ang mga taong may autism o depresyon lamang ang mga gustong mapag-isa at hindi makipag-ugnayan o makipagkomunika sa ibang mga tao. Kapag ang mga tao ay may autism o depresyon, hindi na sila normal. Hindi na nila kayang kontrolin ang kanilang sarili. Kung normal ang isip at katwiran ng mga tao, subalit ayaw lang nilang makipag-ugnayan sa iba, at ayaw nilang malaman ng ibang mga tao ang tungkol sa anumang ginagawa nila, gusto nilang gawin ang mga bagay-bagay nang palihim, nang pribado, nang pribado, at gumagawa sa likod ng mga eksena, at hindi nakikinig sa anumang sinasabi ng iba, ang gayong mga tao ay mga anticristo, hindi ba? Mga anticristo sila.
Minsan, nang makita Ko ang lider ng isang iglesia, tinanong Ko siya kung ano ang nangyayari sa pagganap ng mga kapatid sa kanilang mga tungkulin. Tinanong Ko, “Mayroon bang sinuman sa iglesia sa kasalukuyan na nakagugulo sa buhay iglesia?” Mahuhulaan mo ba kung ano ang sinabi niya? “Maayos ang mga bagay; ayos ang mga ito.” Tinanong Ko, “Kumusta ang paggawa ni kapatid na ganito-at-ganyan ng kanyang tungkulin?” Sinabi niya, “Ayos lang.” Pagkatapos ay itinanong Ko, “Ilang taon na siyang nananalig sa Diyos?” Sinabi niya, “Ayos lang.” Sabi Ko, “Hindi dapat narito ang mesang ito; kailangan itong ilipat.” Sinabi niya, “Pag-iisipan ko iyan.” Sabi Ko, “Hindi ba’t kailangan ng kapirasong lupang ito ng pagdidilig?” Sinabi niya, “Pagbabahaginan namin iyan.” Sabi Ko, “Ito ang halamang itinanim mo sa kapirasong lupang ito ngayong taon. Itatanim mo ba ang parehong bagay sa susunod na taon?” Sinabi niya, “May plano ang aming grupo sa paggawa ng desisyon.” Iyon ang mga uri ng mga sagot na ibinigay niya. Anong pakiramdam ang ibinibigay sa iyo na marinig ang mga ito? May nauunawaan ka bang anuman sa mga ito? Nagkamit ka ba ng anumang impormasyon? (Wala talaga.) Masasabi mo kaagad na pinaaalis ka niya, itinuturing ka na parang isang hangal, isang tagalabas. Hindi niya alam nang eksakto kung sino ang tagalabas; tinatawag ito ng mga walang pananampalataya na “isang panauhin na umaastang host.” Hindi niya kilala ang sarili niyang pagkakakilanlan. Sinabi Ko, “Napakaraming tao ang naninirahan dito, at hindi maganda ang sirkulasyon ng hangin. Dapat maglagay kayo ng bentilador, o magiging sobrang init dito, at puwedeng magkaroon ang mga tao ng heatstroke.” Sinabi niya, “Pag-uusapan namin iyan.” Sa lahat ng sinabi Ko sa kanya, kinailangan niyang pag-usapan ito, pagbahaginan ito, at pag-isipan din ito. Anumang pagsasaayos na ginawa Ko, kahit anong sinabi Ko, walang kuwenta ito sa kanya. Para sa kanya, hindi mga pagsasaayos o utos ang mga ito, at hindi niya ipinatupad ang mga ito. Ano ang tinanggap niya sa Aking mga salita, kung gayon? (Mga mungkahi para sa kanyang pagsasaalang-alang.) Binigyan Ko ba siya ng mga mungkahi para sa kanyang pagsasaalang-alang? Hindi—sinabi Ko sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin, kung ano ang kinailangan niyang gawin. Iyon ba ay na hindi niya naunawaan ang sinabi Ko? Kung hindi, ibig sabihin niyon ay isa siyang taong magulo ang isip na hindi alam kung ano ang kanyang pagkakakilanlan o kung anong tungkuling ginagawa niya. Napakaraming tao ang nanirahan doon, walang panloob na air conditioning o dumaraang hangin. Gaano ba siya katalino gayong hindi siya naglagay ng bentilador? Dapat siyang umuwi kaagad—basura siya, at hindi nangangailangan ng basura ang sambahayan ng Diyos. Hindi alam ng mga tao ang lahat tungkol sa anumang bagay, pero maaari silang matuto. May ilang bagay Akong hindi nauunawaan, kaya tinatalakay Ko ang mga ito sa iba: “Ano sa tingin ninyo ang magandang paraan para gawin ito? Malaya kayong magbigay ng inyong mga mungkahi.” Kung iniisip ng ilang tao na magiging pinakamainam ang ilang paraan, sasabihin Ko, “Sige, gawin natin ang sinasabi mo. Hindi Ko pa napapag-isipan kung ano ang dapat nating gawin, sa anumang kaso. Susundin natin ang sinasabi mo.” Hindi ba’t iyon ang pag-iisip ng normal na pagkatao? Iyon ang ibig sabihin ng pakikisama sa iba. Sa pakikisama sa iba, hindi dapat gumawa ng pag-iiba ang mga tao sa pagitan ng kung sino ang nakakataas o mababa, o kung sino ang nakakakuha at hindi nakakakuha ng pansin, o kung sino ang may huling salita sa mga bagay. Hindi na kailangang gawin ang mga pag-iibang ito—kung kaninong daan ang tama at naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, iyon ang dapat pakinggan. Kaya ninyo ba itong gawin? (Oo.) May ilang tao na hindi ito kaya. Hindi kaya ng mga anticristo—iginigiit nilang magkaroon ng walang anuman kundi ang pinal na salita. Anong uri ng bagay iyon? Hindi uubra sa kanila ang binabanggit ng iba, kahit na ito ay makatwiran; alam nilang tama at makatwiran ito, pero hindi nila susundin ang anumang iminungkahi ng sinuman—masaya sila hangga’t sila ang nagpanukala ng isang bagay. Kahit sa maliit na usaping ito, nakikipaglaban sila para sa superyoridad. Anong disposisyon iyon? Ang disposisyon ng isang anticristo. Naglalagay sila ng labis na pagpapahalaga sa katayuan, kabantugan, at pride. Gaano kalaking halaga? Mas mahalaga ang mga bagay na iyon sa kanila kaysa sa kanilang buhay—pangangalagaan nila ang kanilang katayuan at kabantugan, kahit na nangangahulugan ito ng kanilang buhay.
Pinagbabawalan ng mga anticristo ang iba na makialam, magtanong, o mangasiwa sa anumang gawaing ginagawa nila, at naipapamalas ang pagbabawal na ito sa ilang paraan. Ang isa ay pagtanggi, ganoon kasimple. “Tigilan mo ang pakikialam, pagtatanong, at pangangasiwa sa akin kapag nagtatrabaho ako. Anumang gawain na ginagawa ko ay responsabilidad ko, may ideya na ako kung paano ko ito gagawin at hindi ko kailangang manduhan ako ng sinuman!” Ito ay diretsahang pagtanggi. Isa pang pagpapamalas ay ang mukha namang marunong tumanggap, na sinasabing “O sige, magbahaginan tayo at tingnan natin kung paano dapat gawin ang gawain,” pero kapag nagsimula na talagang magtanong ang iba at sinubukang alamin pa ang tungkol sa kanilang gawain, o kapag may ipinaalam ang mga ito na ilang isyu at nagbigay ng ilang mungkahi, ano ang kanilang saloobin? (Hindi sila marunong tumanggap.) Tama iyon—ayaw lang talaga nilang tumanggap, humahanap sila ng mga palusot at dahilan para tanggihan ang mga mungkahi ng iba, ginagawa nilang tama ang mali at mali ang tama, pero ang totoo, sa puso nila, alam nilang ipinipilit lang nila ang kanilang lohika, na nagsasalita lang sila ng magagarbong salita, na ang sinasabi nila ay teoretikal lang, na ang kanilang mga salita ay walang realidad ng kung ano ang sinasabi ng ibang tao. Pero para maprotektahan ang kanilang katayuan—at alam na alam nilang mali sila at na tama ang ibang tao—ginagawa pa rin nilang mali ang tama ng ibang tao, at ang sarili nilang mali ang ginagawa nilang tama, at patuloy na isinasagawa ito, hindi pinapayagan ang mga bagay na tama at nakaayon sa katotohanan na maipakilala o maisakatuparan kung saan naroon ang mga ito. Hindi ba’t tinatrato nila ang gawain ng iglesia bilang isang laro, isang biro? Hindi ba’t tumatanggi sila na tumanggap ng mga pagtatanong at pangangasiwa? Hindi nila ipinahahayag ang kanilang “pagbabawal” na ito nang walang pakundangan, sa pamamagitan ng pagsasabi sa iyo, “Hindi ka pinahihintulutang makialam sa aking gawain.” Hindi ganoon lumalabas ang ginagawa nila, pero iyon ang kanilang pag-iisip. Gagamit sila ng ilang panloloko, at mukhang medyo deboto sa panlabas. Sasabihin nila, “Nagkataon na kailangan namin ng tulong, kaya ngayong narito ka, makipagbahaginan ka sa amin nang kaunti!” Maniniwala ang mas-mataas-na-antas na lider nila na nagiging totoo sila, at kaya makikipagbahaginan ito sa kanila, sinasabi sa kanila ang tungkol sa mga kasalukuyang pangyayari. Kapag narinig na nila ang lider, maiisip nila: “Ganyan mo nakikita ang mga bagay—buweno, kailangan kong makipagdebate sa iyo, para pabulaanan at pasinungalingan ang iyong pananaw. Ipapahiya kita.” Iyon ba ay isang saloobin ng pagtanggap? (Hindi.) Anong saloobin ito, kung gayon? Ito ay isang pagtanggi na payagan ang iba na nakikialam, nagtatanong, o nangangasiwa sa kanila sa gawaing kanilang ginagawa. Kahit na gagawin iyon ng mga anticristo, bakit, kung gayon, nagpapakita sila ng isang huwad na anyo para sa mga tao at nagpapanggap ng isang isang saloobin ng pagtanggap? Na lilinlangin nila ang mga tao sa ganitong paraan ay nagpapakita kung gaano sila katuso. Natatakot silang makikilala sila ng mga tao. Sa kasalukuyan, lalo na, may ilang tao na may kaunting pagkilatis, kaya kung direktang tatanggihan ng isang anticristo ang pangangasiwa at tulong ng iba, malalaman at makikilala sila ng mga tao. Mawawala sa kanila kung gayon ang kanilang karangalan at katayuan, at hindi magiging madali para sa kanila na mahalal na lider o manggagawa sa hinaharap. Kaya, kapag sinusuri ng isang mas-mataas-na-antas na lider ang kanilang gawain, nagkukunwari silang tinatanggap ito, nagsasabi ng mga kaaya-aya at mapambolang mga bagay, ginagawang mag-isip ang lahat, “Tingnan mo kung gaano kasigasig, kung gaano naghahanap ng katotohanan ang ating lider! Nagmamalasakit ang ating lider sa ating buhay at sa gawain ng iglesia. Inaako niya ang responsabilidad sa paggawa ng kanyang tungkulin. Pipiliin natin siyang muli sa susunod na halalan.” Ang hindi inaasahan ng sinuman ay na kapag umalis na ang mas-mataas-na-antas na lider, magsasabi ang anticristo nang ganito: “Ayos lang ang sinabi ng taong iyon na nagsuri sa gawain, pero hindi ito palaging angkop sa mga kondisyon sa ating iglesia. Magkakaiba ang mga bagay sa bawat iglesia. Hindi natin maaaring sundin ang sinabi niya sa kabuuan nito—kailangan nating isaalang-alang ito batay sa ating tunay na sitwasyon. Hindi natin maaaring ilapat ang mga regulasyon nang basta-basta!” At umaalis ang lahat na iniisip na tama ito. Hindi ba’t nailihis sila? Bahagi ng ginagawa ng isang anticristo ay ang magsalita ng mga kaaya-ayang salita at magkunwaring tinatanggap ang pangangasiwa ng iba; kaagad pagkatapos, sinisimulan niya ang gawain ng panlilinlang at pambe-brainwash sa loob. Magkasabay niyang ipinatutupad ang dalawang bahagi ng diskarteng ito. May mga panlilinlang ba siya? Marami, talaga! Sa panlabas, maayos siyang nagsasalita at nagkukunwari ng pagtanggap, pinapaniwala ang lahat na pakiramdam niya ay lubos siyang responsable sa gawain, na maaari niyang bitawan ang kanyang posisyon at katayuan, na hindi siya awtoritaryan, kundi kayang tumanggap ng pangangasiwa mula sa Itaas o mula sa ibang mga tao—at habang ginagawa niya ang mga iyon, “nililinaw” niya sa mga kapatid ang mga kalamangan at kahinaan ng mga bagay, at “nililinaw” ang iba’t ibang sitwasyon. Ano ang layunin niya? Na hindi tanggapin ang pakikialam, pagtatanong, o pangangasiwa ng ibang tao, at para ipaisip sa mga kapatid na ang kasalukuyang pagkilos niya ay makatwiran, tama, alinsunod sa mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos, at naaayon sa mga prinsipyo ng gawain, at na, bilang isang lider, sumusunod siya sa prinsipyo. Talagang iilan lang sa iglesia ang nakauunawa sa katotohanan; ang karamihan ay walang alinlangang walang kakayahan sa pagkilatis, hindi nila nakikita ang anticristo na ito kung sino talaga ito, at natural na inililihis nito. May ilang tao, halimbawa, ang hindi nakakatulog sa gabi dahil sa ilang partikular na dahilan. Buong gabi silang hindi nakakatulog. May dalawang uri ng mga tao, na sa kanila ay naipamamalas ang dalawang magkaibang paraan ng kakulangang iyon sa tulog. Ang unang uri ay nakakahanap ng pagkakataong makatulog nang kaunti sa umaga sa lalong madaling panahon. Hindi nila ipinaaalam sa iba na hindi sila nakatulog. Iyon ay isang sitwasyon, isang paraan ng mga bagay-bagay. Walang layunin sa likod nito. Ang ibang uri ng tao ay natutulog sa oras ng pagkain at sinasabi sa lahat, “Hindi ako nakatulog kagabi!” May nagtatanong, “Bakit hindi?” At sinasabi niya, “Nagkaroon ng online na pagtitipon, at natuklasan ko ang ilang problema sa gawain. Nagpuyat ako buong gabi sa paglutas sa mga ito.” Nagpapatuloy siya nang walang tigil, inaanunsiyo na hindi siya nakatulog buong gabi. Talaga bang nag-atubili siyang magpuyat? Bakit nagpapaliwanag siya sa grupo? At may isang bagay ba sa loob ng paliwanah na iyon? Ano ang layunin niya? Gusto niyang ipaalam sa buong mundo ang kanyang ginawa, sa takot na baka hindi malaman ng iba. Gusto niyang malaman ng lahat na nagdusa siya, na gising siya buong gabi, na handa siyang magbayad ng halaga sa kanyang pananalig sa Diyos, na hindi siya naghahangad ng kaginhawahan. Sa pamamagitan nito, ibig niyang makuha ang simpatiya at pagsang-ayon ng mga kapatid. Binibili niya ang puso ng mga tao sa pamamagitan ng paggawa ng mabababaw na pagganap na ito, at sa paggawa nito, nakukuha niyang pahalagahan siya ng iba, at nagkakamit siya ng katanyagan sa puso ng mga tao. Kapag may katayuan na siya, tiyak na magsasalita na siya nang may awtoridad. At kapag nagsasalita na siya nang may awtoridad, hindi ba niya matatamasa ang espesyal na pagtrato na kaakibat ng katayuan? (Oo.) Sa palagay mo ba ay sinamantala niya nang husto ang pagkakataong ito? Sinasabi ninyo ba sa iba kapag hindi kayo nakatulog, o kung nagpuyat kayo? (Nagawa na namin.) Noong ginawa ninyo, hindi ba ito sinasadya, o mayroon bang ilang layunin sa likod nito? Sinabi mo lang ba sa isang tao nang biglaan, o gumawa ka ba ng isang engrandeng proklamasyon, na nagpapakitang-gilas? (Biglaan ito.) Walang layunin sa pagsasabi nito nang biglaan; hindi iyon nagmumungkahi ng problemang disposisyonal. May ganap na kakaibang kalikasan ang sabihin ito nang sinasadya at sabihin ito nang hindi sinasadya. Kapag kumikilos ang isang anticristo, ano ang motibo sa likod ng kanyang ginagawa, kung tila tinatanggap niya sa panlabas ang pakikialam at mga pagtatanong ng iba, o kung tinatanggihan niya ang mga ito nang tahasan—alinman ang mangyari? Sumusunggab siya sa katayuan at kapangyarihan, at hindi niya ito bibitawan. Hindi ba’t iyon ang kanyang motibo? (Ito nga.) Tama—talagang hindi niya hahayaan na ang pinaghirapan niyang kapangyarihan, ang pinaghirapan niyang katayuan at katanyagan, ay mawawala na lang nang napakakasuwal, sa isang sandali ng walang pag-iingat; hindi niya hahayaan ang sinuman na pahinain ang kanyang puwersa at impluwensiya sa pamamagitan ng pakikialam sa kanyang gawain o pagtatanong tungkol dito. Pinaniniwalaan niya ito: Ang gumawa ng isang tungkulin, ang tumanggap ng isang programang gawain, ay hindi talaga isang tungkulin, at hindi niya kailangang gawin ito bilang isang obligasyon; sa halip, ito ay ang magtaglay ng isang partikular na kapangyarihan, ang magkaroon ng ilang tao sa ilalim ng kanyang pamumuno. Naniniwala siya na sa kapangyarihan, hindi na niya kailangang kumonsulta sa sinuman, pero may pagkakataon at kapangyarihan na ngayong mamuno. Ito ang uri ng saloobin na mayroon siya sa tungkulin.
May ilang iba pa na, kapag nagtatanong sa kanila ang Itaas tungkol sa kanilang gawain, nagiging pabasta-basta lang sila. Nagbibigay sila ng isang mababaw na pagganap at nagtatanong tungkol sa ilang walang-kabuluhang bagay, na para bang isang tao silang naghahanap sa katotohanan. Kung may isang insidente na malinaw na nagdudulot ng paggambala at panggugulo, halimbawa, tatanungin nila ang Itaas kung ang taong sanhi nito ay dapat pangasiwaan. Hindi ba’t bahagi ng trabaho nila ang isang bagay na tulad niyon? (Oo.) Ano ang hinahangad nila, sa pagtatanong sa Itaas ng tungkol dito? Ibig nilang bigyan ka ng huwad na anyo nila, para ipakita sa iyo na kung magtatanong sila kahit tungkol sa mga bagay na iyon, patunay ito na hindi sila gawang ginagawa, na nagtatrabaho sila. Gumagawa lang sila ng isang huwad na anyo para ilihis ka. Ang katunayan ay mayroon silang ilang aktuwal na problema sa kanilang puso, at hindi nila alam kung paano magbahagi tungkol sa katotohanan para malutas ang mga ito, ni hindi nila alam kung aling mga prinsipyo ang dapat nilang isagawa. May mga bagay na malabo sa kanila, sa pangangasiwa sa mga tao at sa pangangasiwa sa mga usapin, subalit hindi sila kailanman nagtatanong o naghahanap tungkol sa mga ito. Dahil hindi sila sigurado sa mga bagay na ito sa kanilang puso, hindi ba’t dapat itanong nila sa Itaas ang tungkol dito? (Oo.) Hindi sila sigurado tungkol sa mga ito at hindi nauunawaan ang mga ito, subalit nagpapatuloy sa pagkilos nang walang alam—ano ang mga kahihinatnan niyon? Mahuhulaan ba nila kung ano ang mangyayari? Magagawa ba nilang pasanin ang responsabilidad para sa mga kahihinatnan? Hindi, hindi nila magagawa. Kaya, bakit hindi sila nagtatanong tungkol sa mga bagay na ito? May mga pagsasaalang-alang sa hindi nila pagtatanong. Ang isa ay ang takot na matuklasan sila ng Itaas: “Kung hindi ko man lang mapangasiwaan ang walang kuwentang bagay na ito, at kailangang magtanong tungkol dito, iisipin ng Itaas na ang aking kakayahan ay hindi napakahusay. Hindi ba’t magbibigay ito sa Itaas ng pagkakataong makita ang tunay kong kalagayan?” Nariyan din ang pagsasaalang-alang na kung magtatanong nga sila, at kung ang desisyon ng Itaas ay salungat at naiiba sa sarili nilang pananaw, mahihirapan silang pumili. Kung hindi nila susundin ang sinasabi ng Itaas, sasabihin ng Itaas na nilalabag nila ang mga prinsipyo ng gawain; kung susundin nila, magdudulot ito ng kawalan sa sarili nilang mga interes. Kaya, hindi sila nagtatanong. Hindi ba ito isinaalang-alang? (Oo.) Ganoon nga. Anong uri ng tao sila, na isinasaalang-alang ang mga bagay na ito? (Mga anticristo.) Mga anticristo talaga sila. Sa anumang bagay, magtanong man sila tungkol dito o hindi, sabihin man nila ito o isipin lang ito, hindi nila hinahanap ang katotohanan o isinasaalang-alang ang bagay na iyon ayon sa mga prinsipyo; sa lahat ng bagay, inuuna nila ang mga sarili nilang interes. May listahan sila sa puso nila ng mga bagay na maaari nilang ipahintulot na itanong at malaman ng Itaas, at mga bagay na ayaw talaga nilang malaman ng Itaas. Itinakda nila ang hangganan ng mga rehiyong iyon at hinati ang mga ito sa dalawang kategorya. Pahapyaw silang makikipag-usap sa Itaas tungkol sa mga hindi gaanong mahalagang bagay na iyon na hindi makapagdudulot ng banta sa kanilang katayuan, para makalusot sa Itaas; subalit sa mga bagay na maaaring maging banta sa kanilang katayuan, hindi sila magsasalita nang kahit ano. At kung magtatanong ang Itaas tungkol sa mga bagay na iyon, ano ang gagawin nila? Gagamit sila ng ilang salita para malinlang sila; sasabihin nilang, “Sige, tatalakayin namin ito … patuloy kaming maghahanap …”—maraming apirmasyon para sa iyo, nang walang anumang bagay na mababasa bilang paglaban. Sa itsura, medyo mapagpasakop sila—subalit ang katunayan, may sarili silang mga kalkulasyon. Wala silang planong hayaan ang Itaas na gumawa ng mga desisyon; wala silang planong humingi ng mga mungkahi sa Itaas at hayaan ang mga itong magdesisyon, o maghanap ng ilang landas mula sa Itaas. Wala silang gayong mga plano. Ayaw nilang pahintulutan ang Itaas na makialam o malaman kung ano talaga ang nangyayari. Kapag nalaman na ng Itaas, kung gayon, anong banta ang idudulot nito sa kanila? (Mawawalan sila ng kasiguraduhan sa kanilang katayuan.) Hindi lang sila mawawalan ng kasiguraduhan sa kanilang katayuan—hindi na gagana ang kanilang mga plano at layunin, at sa gayon ay hindi na sila magiging lehitimo sa kanilang paggawa ng kasamaan; hindi na nila masusunod ang sarili nilang mga plano nang lehitimo, lantaran, at walang pakundangan. Ito ang problemang haharapin nila. Kaya, matutukoy ba nila kung paano kumilos sa paraang kapaki-pakinabang sa kanila? Tiyak na may mga kaisipan at kalkulasyon sila tungkol dito. Nasusumpungan ba ninyo ang sarili ninyo na nahaharap din sa gayong mga bagay? Ano ang iniisip ninyo tungkol sa mga ito, kung gayon? Paano ninyo tinatrato ang mga ito? Magbibigay Ako ng isang halimbawa. Minsan may isang lalaki na naging lider at medyo nadala siya nito; mahilig siyang palaging magpakitang-gilas sa harap ng iba para makuha ang pagpapahalaga nila. Nakasalubong niya ang isang kilala niyang walang pananampalataya, na gustong humiram ng pera. Labis na ipinagmakaawa ng walang pananampalataya ang kaso nito kaya, sa bugso ng damdamin, sa pananabik ng sandali, pumayag ang lider, na pagkatapos nito ay naisip niya, nang mahinahon at walang pag-aalinlangan na, “Ako ang lider ng iglesia—ako dapat ang may huling salita sa pera ng iglesia. Pagdating sa mga bagay na pag-aari ng sambahayan ng diyos, ng iglesia, at mga handog—ako ang nasa katungkulan, kaya ang sinasabi ko ang masusunod. Ang pananalapi ay nasa aking pangangasiwa, at ang mga usapin sa tauhan ay nasa akin ding pamamahala—ako ang may huling salita sa lahat ng ito!” At kaya, ipinahiram niya ang pera ng sambahayan ng Diyos sa isang walang pananampalataya. Pagkatapos niyang gawin ito, nakaramdam siya ng kaunting pagkabahala, at pinag-isipan kung dapat ba niyang sabihin sa Itaas ang tungkol dito. Kung gagawin niya ito, maaaring hindi pumayag ang Itaas sa bagay na iyon—kaya, nagsimula siyang gumawa ng mga kasinungalingan at humanap ng mga palusot para linlangin ang Itaas. Ibinahagi ng Itaas ang mga katotohanang prinsipyo sa kanya, subalit hindi niya ito pinakinggan. Ganoon niya ginawa ang masamang gawa ng maling paggamit ng mga handog nang pribado. Bakit mangangahas ang gayong tao na pagplanuhang gamitin ang mga handog? Isa ka lang lider ng iglesia—may karapatan ka bang pamahalaan ang mga handog? Ikaw ba ang may huling salita sa mga usapin ng mga handog at pananalapi? Paano mo dapat ituring ang mga handog sa Diyos, kung ikaw ay isang tao na may normal na pagkatao at katwiran, isang tao na naghahangad sa katotohanan? Hindi ba’t dapat isangguni sa Itaas ang mga usaping may kaugnayan sa mga handog, para makita kung ano ang desisyon ng sambahayan ng Diyos? Wala bang karapatan ang Itaas na malaman ang tungkol sa gayon kalaking isyu? Oo. Ito ay isang bagay na dapat maging malinaw sa iyong puso; ito ang katwiran na dapat mong taglayin. Pagdating sa mga usapin sa pananalapi, ang parehong malalaki at maliliit na bagay, may karapatan ang Itaas na malaman. Isang bagay kung hindi magtatanong ang Itaas—subalit kapag nagtanong na ang Itaas, dapat kang sumagot nang totoo, at dapat kang magpasakop sa kung ano man ang desisyon ng Itaas. Hindi ba’t ito ang uri ng katwiran na dapat mong taglayin? (Ito nga.) Subalit may kakayahan ba ang mga anticristo na gawin ito? (Wala.) Iyon ang pagkakaiba sa pagitan ng mga anticristo at ng mga normal na tao. Kung sa tingin nila ay may isang daang-porsiyentong pagkakataon na hindi papayag ang Itaas sa bagay na iyon, at na magdurusa sila ng kawalan sa kanilang pride, mag-iisip sila ng lahat ng paraan para itago ito, para pigilan ang Itaas na malaman ang tungkol dito. Kokontrolin pa nga nila ang mga taong nasa ilalim nila, at sasabihing: “Kung isisiwalat ito ng sinuman, laban sila sa akin. Makaririnig sila sa akin. Haharapin ko sila, anuman ang mangyari!” At sa mga nakatatakot na salitang iyon mula sa kanila, walang nangangahas na iulat ang bagay na iyon sa Itaas. Bakit nila gagawin iyon? Naniniwala silang, “Nasa ilalim ito ng saklaw ng aking awtoridad. May karapatan akong gamitin at ipamahagi ang mga tao, pera, at materyales na sakop ng aking hurisdiksiyon!” Ano ang mga prinsipyo nila para sa paggamit at pamamahagi? Gumagawa sila ng mga pagsasaayos ayon sa kalooban nila, arbitraryo silang gumagamit at namimigay ng pera at mga materyales, nang hindi sumusunod sa anumang prinsipyo, nilulustay at sinasayang nila ang mga bagay na ito nang walang pagpili, at walang sinuman ang may karapatang makialam—dapat magkaroon sila ng huling salita sa lahat ng ito. Hindi ba’t ganyan sila mag-isip? Siyempre, hindi nila ito sasabihin nang malakas, sa gayong mga tahasang termino—subalit sa kanilang puso, ito talaga ang iniisip nila: “Ano ang silbi ng pagkakaroon ng katungkulan? Hindi ba’t tungkol lahat ito sa pera, tungkol sa patuloy na pagkakaroon ng pagkain at pananamit? Ngayon, nasa katungkulan ako; may gayon akong katayuan. Hindi ba’t kahangalan para sa akin na hindi samantalahin ang aking kapangyarihan para gawin ang gusto ko?” Hindi ba’t iyon ang pinaniniwalaan nila? (Iyon nga.) Ito ay dahil may gayon silang disposisyon, at pinaniniwalaan ito, na nangangahas silang itago ang isang bagay nang walang kaunting pag-aalinlangan, walang pakialam sa anumang kahihinatnan, sa anumang paraan at diskarteng maiisip nila. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Hindi nila tinatasa kung tama o hindi ang bagay na iyon, o kung ano ang nararapat na gawin, o kung ano ang mga prinsipyo. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga bagay na ito; ang tanging pagsasaalang-alang lang nila ay kung sino ang magtataguyod sa kanilang mga interes. Ang isang anticristo ay isang mapanlinlang, makasarili, ubod ng samang bagay! Gaano siya ka-ubod ng sama? Makukuha ito sa isang salita: Walanghiya siya! Hindi sa iyo ang mga taong iyon, ni ang mga bagay na iyon, at lalong hindi ang perang iyon—subalit gusto mo itong angkinin, para gamitin ayon sa gusto mo. Wala man lang karapatan ang ibang malaman ang tungkol dito; kahit na lustayin at aksayahin mo ang mga bagay na iyon, walang karapatan ang iba na magtanong. Gaano kalayo na ang inabot mo? Napunta ka na sa kawalanghiyaan! Hindi ba’t wala itong kahihiyan? (Ganoon nga.) Iyon ay isang anticristo. Ano ang hindi magagawa ng isang karaniwang tao pagdating sa pera? Iniisip niya na ang mga iyon ay mga handog sa Diyos, at ang mga handog ay ibinibigay sa Diyos ng Kanyang mga hinirang na tao, kaya pagmamay-ari ang mga ito ng Diyos—mga “personal na pag-aari” Niya ang mga ito, tulad ng maaaring sabihin ng ilan. Ang pag-aari ng Diyos ay hindi pag-aari ng mga karaniwang tao, ni hindi ito pagmamay-ari ng sinumang tao. Sino ang Panginoon ng sambahayan ng Diyos? (Ang Diyos.) Oo, ito ay ang Diyos. At ano ang kabilang sa sambahayan ng Diyos? Kabilang dito ang Kanyang mga hinirang na tao sa bawat iglesia, gayundin ang lahat ng suplay at ari-arian ng bawat iglesia. Ang lahat ng bagay na ito ay pag-aari ng Diyos. Tiyak na hindi pag-aari ang mga ito ng isang tao, at walang sinuman ang may karapatang umangkin sa mga ito. Maiisip ba iyon ng isang anticristo? (Hindi.) Naniniwala siya na ang mga handog ay pag-aari ng sinumang namamahala sa mga ito, ng sinumang may pagkakataong kumuha mula sa mga ito, at kung ang isang tao ay isang lider, may karapatan siyang gamitin ang mga ito. Iyon ang dahilan kung bakit patuloy niyang hinahangad ang katayuan nang buo niyang lakas. Kapag nakuha na niya ito, matutupad na sa wakas ang lahat ng kanyang inaasam. Bakit niya hinahangad ang katayuan? Kung inatasan mo siyang maingat na pamunuan ang mga hinirang na tao ng Diyos, na may mga prinsipyo sa kanyang mga pagkilos, subalit hindi siya pinahintulutang gamitin ang mga ari-arian ng iglesia o mga handog sa Diyos, magiging aktibo pa rin ba siya sa kanyang pakikipag-agawan pataas? Talagang hindi. Pasibo siyang maghihintay, at hahayaang mangyari ang mangyayari. Iisipin niyang, “Kung mahalal ako, gagawin ko ang trabaho at gagawin ko nang maayos ang aking tungkulin; kung hindi, hindi ako sisipsip kahit kanino. Wala akong sasabihin o gagawin tungkol dito.” Dahil nga iniisip ng isang anticristo na bilang isang lider, may karapatan ang isang tao na magdikta at magtamasa ng lahat ng ari-arian ng iglesia kaya matindi niyang pinag-iisipan, sa kanyang mga pagtatangka na magsikap pataas, hanggang sa punto ng kawalanghiyaan, para makamit ang katayuan at matamasa ang lahat ng benepisyong dala ng katayuan. Ano ang ibig sabihin ng maging walanghiya? Ibig sabihin nito ay gumawa ng mga kahiya-hiyang bagay—iyon ang ibig sabihin ng maging walanghiya. Kung may magsasabi sa kanyang, “Masyadong kahiya-hiya ang mga ginagawa mo!” Wala siyang pakialam, kundi iisipin na, “Ano ang kahiya-hiya rito? Sino ang may hindi gusto ng katayuan? Alam mo ba kung ano ang pakiramdam ng magkaroon ng katayuan? Ng magkaroon ng kontrol sa pera? Alam mo ba ang kagalakang iyon? Alam mo ba ang pakiramdam ng pribilehiyong iyon? Natikman mo na ba ito?” Ganyan tinitingnan ng mga anticristo ang katayuan, sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa oras na magkaroon ng katayuan ang isang anticristo, gugustuhin niyang magkaroon ng kontrol sa lahat. Isasailalim din niya sa kanyang kontrol ang mga handog sa Diyos. Nais niyang magkaroon ng huling salita tungkol sa anumang bahagi ng gawain ng iglesia na gumagasta ng pera, nang hindi kailanman kumokonsulta sa Itaas. Nagiging panginoon siya ng pera ng sambahayan ng Diyos, at ang sambahayan ng Diyos ay nagiging kanya. May karapatan siyang magbigay ng huling salita tungkol dito, magdikta kung ano ang mangyayari dito, magbigay nito kay ganito at ganyan ayon sa gusto niya, magdikta kung paano gagastusin ang bawat bahagi nito. Sa mga handog sa Diyos, hindi siya kailanman kumikilos nang maingat at nang hindi padalus-dalos, ayon sa mga prinsipyo; sa halip, sobra siyang gastador, at kung ano ang sinasabi niya, iyon ang nasusunod. Ang taong tulad niyon ay isang tunay na anticristo.
Minsan may isang taong lihim na inabuso ang mga handog sa Diyos, na isang seryosong problema. Hindi ito isang ordinaryong pagsalangsang; problema ito sa kanyang kalikasang diwa. Nang nakipag-ugnayan siya sa mga walang pananampalataya habang pinangangasiwaan ang ilang usapin, patuloy siyang nagpakitang-gilas para isipin ng mga tao na mayroon siyang pera at kapangyarihan. Dahil dito, hiningi ng mga tao na humiram ng pera sa kanya. Hindi lang sila hindi tinanggihan ng taong ito, nangako pa talaga siyang magpapahiram sa kanila ng pera, at pagkatapos ay ginawa ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga mapanlinlang na taktika laban sa sambahayan ng Diyos. May seryosong problema ang taong ito. Sa gayong kalaking bagay, dapat kang mag-ulat sa Itaas, at ipaliwanag ang mga katunayan; hindi mo maaaring pakitunguhan ang mga tao gamit ang mga handog sa Diyos para sa kapakanan ng iyong sariling kredito at pride. Ganyan pangangasiwaan ng isang makatwirang tao na may-takot-sa-Diyos na puso ang gayong mga usapin kapag nakatagpo niya ang mga ito. Subalit iyon ba ang ginagawa ng mga anticristo? Bakit sila tinatawag na mga anticristo? Dahil wala silang kahit katiting na may-takot-sa-Diyos na puso; ginagawa nila ang gusto nila, itinutulak ang Diyos, ang katotohanan, at ang mga salita ng Diyos sa likod ng kanilang isipan. Wala talaga silang tunay na pagpapasakop sa Diyos, subalit mas pinahahalagahan ang mga sarili nilang interes, sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Gumagamit sila ng mga mapanlinlang na paraan para ilihis ang mga lider at manggagawa ng iglesia, at sa gayon ay nagpapahiram ng pera sa mga walang pananampalataya. Pera ba nila ito? Sa ilang salita lang, ipinahihiram nila ito—hindi ba’t iyon ay pagreregalo mula sa mga handog sa Diyos? Ito ay isang bagay na ginagawa ng mga anticristo, at may ilang aktuwal na nakagawa na ng gayong mga bagay. Para magawa nila ang gayong bagay, malamang sa mapangahas, lubhang mapagmataas at medyo mapanlinlang din ang disposisyon nila. Maliwanag din na hangal sila, mas hangal pa sa hangal—tiyak na mapapahamak sila sa sarili nilang mga pakana. Sabihin mo sa Akin, paano dapat pangasiwaan ang gayong mga tao? (Dapat silang patalsikin.) Iyon na iyon? Pagpapatalsik? Sino ang pupuno sa mga kawalan? Dapat silang pagbayarin ng bayad-pinsala, at pagkatapos ay patalsikin. Hindi ba’t walang pakundangan ang mga anticristo, para magawa ang gayong bagay? Paano sila naiiba sa arkanghel? Walang kahihiyang sasabihin ng arkanghel na, “Ako ang gumawa ng langit at lupa at lahat ng bagay—akin ang sangkatauhan para kontrolin!” Niyuyurakan at ginagawa nitong tiwali ang sangkatauhan ayon sa kalooban nito. Sa oras na nakuha na ng isang anticristo ang kapangyarihan, sasabihin niyang, “Dapat kayong maniwala lahat sa akin at sumunod sa akin. Ako ang namumuno rito, at nasa akin ang huling salita. Dumulog kayo sa akin para sa lahat ng bagay, at dalhin ninyo sa akin ang pera ng iglesia!” Sinasabi ng ilang tao na, “Bakit dapat naming ibigay sa iyo ang pera ng iglesia?” At sinasabi ng anticristo na, “Ako ang lider. Karapatan kong pangasiwaan ito. Dapat kong pamahalaan ang lahat, pati na ang mga handog!” At pagkatapos, pinamumunuan niya ang lahat. Walang pakialam ang mga anticristo sa kung anong mga problema o paghihirap mayroon ang mga kapatid sa buhay pagpasok ng mga ito, o kung anong mga aklat ng mga sermon at mga salita ng Diyos ang kulang sa mga ito. Ang mahalaga sa kanila ay kung sino ang may hawak ng pera ng iglesia para sa pag-iingat, at kung magkano nito ang mayroon, at kung paano ito ginagamit. Kung nagtatanong ang Itaas tungkol sa kalagayan ng pananalapi ng iglesiang iyon, hindi lang nila hindi ibibigay ang pera ng iglesia—hindi nga rin nila hahayaang malaman ng Itaas ang mga katunayan. Bakit hindi nila gagawin iyon? Dahil gusto nilang kurakutin at kunin ang pera ng iglesia para sa kanilang sarili. Pinaka-interesado ang mga anticristo sa mga materyal na bagay, pera, at katayuan. Tiyak na hindi sila katulad nang kung paano sila nagsasalita sa panlabas, “Naniniwala ako sa diyos. Hindi ko hinahangad ang mundo, at hindi ako nag-iimbot ng pera.” Talagang hindi sila katulad nang sinasabi nila. Bakit nila hinahangad at pinananatili ang katayuan nang buo nilang lakas? Dahil gusto nilang angkinin, o kontrolin at agawin, ang lahat ng nasasakupan nila—pera at mga materyal na bagay, sa partikular. Tinatamasa nila ang pera at mga materyal na bagay na ito na para bang benepisyo ang mga ito ng kanilang katayuan. Mga tunay na inapo sila ng arkanghel, na may kalikasang diwa ni Satanas sa pangalan at sa katunayan. Ang lahat ng naghahangad sa katayuan at nagpapahalaga sa pera ay tiyak na may problema sa kanilang disposisyong diwa. Hindi ito kasing simple ng pagkakaroon lang nila ng disposisyon ng anticristo: Napaka-ambisyoso nila. Gusto nilang kontrolin ang pera ng sambahayan ng Diyos. Kung ginawa silang responsable para sa isang aytem ng gawain, kung gayon una sa lahat, hindi nila hahayaang makialam ang iba, at hindi rin sila tatanggap ng mga tanong o ng pangangasiwa mula sa Itaas; higit pa riyan, kapag sila ang mga superbisor ng anumang aytem ng trabaho, hahanap sila ng mga paraan para ipagyabang ang sarili nila, protektahan ang sarili nila, at iangat ang sarili nila. Palagi nilang gustong mangibabaw, para maging mga taong namamahala at kumokontrol sa iba. Nais din nilang humawak at makipagtagisan para sa mas mataas na katayuan, at maging ang kontrolin ang bawat bahagi ng sambahayan ng Diyos—ang pera nito, lalo na. May espesyal na pagmamahal ang mga anticristo sa pera. Kapag nakikita nila ito, nagliliwanag ang kanilang mga mata; sa kanilang isipan, palagi silang nag-iisip tungkol sa pera at nagsusumikap para dito. Ang lahat ng ito ay mga palatandaan at senyales ng mga anticristo. Kung makikipagbahaginan ka ng katotohanan sa kanila, o susubukang malaman ang tungkol sa kalagayan ng mga kapatid, nagtatanong ng gayong mga tanong gaya ng kung ilan sa kanila ang mahina at negatibo, ano ang mga resultang nakukuha ng bawat isa sa kanila sa kanilang tungkulin, at sino sa kanila ang hindi nababagay sa kanilang tungkulin, hindi magiging interesado ang mga anticristo. Subalit pagdating sa mga handog sa Diyos—ang halaga ng pera, sino ang nag-iingat nito, kung saan ito itinatago, ang mga passcode nito, at iba pa—ito ang pinakamahalaga sa kanila. May pambihirang kaalaman ang anticristo sa mga bagay na ito. Alam niya ang mga ito tulad ng likod ng kanyang kamay. Tanda rin ito ng isang anticristo. Pinakamahusay ang mga anticristo sa pagsasalita ng mga salitang kaaya-ayang pakinggan, subalit hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain. Sa halip, palagi silang abala sa pag-iisip ng tungkol sa paggamit ng mga handog sa Diyos. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t imoral ang mga anticristo? Wala talaga silang pagkatao—mga diyablo sila sa bawat aspekto. Sa kanilang gawain, palagi nilang ipinagbabawal ang pakikialam, pagtatanong, at pangangasiwa ng iba. Ito ang ikatlong pag-uugali na ipinapakita ng ikawalong pagpapamalas ng mga anticristo.
Ilang panahon na ang nakalipas, isang iglesia sa isang bansa ang bumili ng isang gusali, at kinailangan itong ayusin, at nagkataon lang na ang lider ng iglesia sa bansang iyon ay isang anticristo na hindi pa nagpapakita ng kanyang tunay na kulay. Gumamit ang anticristo na iyon ng isang tao na hindi masyadong nakikilala ng sinuman para sa mga pagsasaayos, at walang nakaaalam kung anong uri ng relasyon mayroon siya rito. Bilang resulta, sinamantala ng masamang taong iyon ang sitwasyon, at maraming pera na hindi dapat nagastos ang nasayang sa mga pagsasaayos. May ilang magagamit na kasangkapan na kasama sa bahay, na tinanggal lahat at pinalitan ng mga bago. Ang mga tinanggal na lumang kasangkapan ay ibinenta ng masamang taong iyon para sa pera. Hindi naman talaga sira ang mga ito—magagamit pa rin ang mga ito—pero gumastos ang masamang taong iyon ng karagdagang halaga ng pera sa pagbili ng mga bago, para kumita ng pera, para pagsamantalahan ang sitwasyon. Alam ba ng anticristo ang mga bagay na ito? Alam niya. Bakit, kung gayon, pinahintulutan niya itong kumilos sa ganoong paraan? Dahil marahil mayroon silang abnormal na relasyon. May ilang tao na nakakita sa problema at nagpaplanong balikan at suriin ang konstruksyon, para makita kung paano ito umuusad. Sa sandaling sinabi nilang titingnan nila ang konstruksyon, nag-alala at nabalisa ang anticristong iyon, at nagsabing: “Hindi! Hindi pa dumarating ang taning—walang sinuman ang pinahihintulutang tumingin!” Napakalakas ng reaksiyon niya, napakasensitibo—may nangyayari ba sa loob nito? (Oo.) Tinalakay ng mga taong iyon, na ngayon ay medyo naalarma, ang usapin: “Hindi ito maaari. Hindi niya tayo pahihintulutang tingnan ang konstruksyon. Tiyak na may isyu rito; kailangan nating tingnan ang lugar.” Subalit hindi pa rin hinayaan ng anticristo na makita ito hanggang sa nakatakdang matapos ang gawain. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t magulo ang isip ng mga taong iyon? Ang katunayang hindi pinahintulutan ng anticristo na makita ang konstruksyon ay nagpapatunay na may nangyayari. Kinailangan nilang magmadali para iulat ito sa Itaas, o sama-sama siyang tanggalin, o sapilitang balikan at tingnan ang konstruksyon. Iyon ay kanilang responsabilidad. Kung hindi nila kayang akuin ang responsabilidad na iyon, nangangahulugan iyon na sila ay mga duwag na walang kuwenta at walang kakayahan. Ang mga walang kakayahang duwag na iyon ay hindi nagpursige. Hindi ito isang isyu sa sarili nilang mga bahay, kaya ipinagsawalang-bahala nila ito. Ganyan sila ka-makasarili at ka-iresponsable. At nang matapos ang gawain, nakita Ko sa isang bidyo na may problema. Anong problema ang nakita Ko? May isang mesa sa gitna ng isang silid para sa kumperensiya, at sa paligid nito ay mga upuang gawa sa balat tulad nang mga ginagamit sa magagarang opisina. Ang mga upuang inuupuan Ko ay pawang mga regular na upuan, kaya dapat bang gumamit ang mga regular na taong iyon ng magagarang bagay? (Hindi.) Iyon ang uri ng mga kasangkapang inilagay ng dalawang iyon, at ang mga tao roon ay nasiyahang umupo sa mga upuang iyon. Sa sandaling natuklasan Ko ang problema, tinawag Ko ang salbaheng iyon at sinimulang imbestigahan ang isyu. Saanman, sa bawat silid, ibinunyag ng pagsisiyasat ang napakaraming isyu, at ang napakalaking kawalang pinansiyal. Magagamit pa ang ilan sa mga orihinal na kasangkapan sa bahay, subalit hinakot at ibinenta ang mga ito ng masamang taong iyon, para pagkakitaan ang mga ito; higit pa roon, kumita siya nang binili niya ang mga mamahalin at bagong kasangkapang iyon; at saka, naglagay siya ng ilang kagamitan na wala dapat sa isang iglesia. Ginawa ito ng masamang taong iyon nang hindi kumokonsulta sa sinuman. Nang ginawa niya ito, alam ba ng anticristo ang tungkol dito? Malamang sa alam niya. Araw-araw siyang nagtungo sa lugar ng paggawa, at nang makita ito, wala siyang ginawang ulat, kundi hinayaan ang pagwawaldas nito. Ang lakas ng loob! Mananampalataya ba siya ng Diyos? Pagkatapos ng 20 taon ng pananalig sa Diyos, ganito siya kasuklam-suklam, at gumawa ng isang bagay na gaya niyon—anong uri siya ng tao? Hindi siya tao! Kahit ang mabubuting tao sa mga walang pananampalataya ay hindi gumagawa niyon; anong imoralidad! Sa tuwing nagtatanong ang Itaas sa kanya ng mga bagay tungkol sa gawaing konstruksyon, nagtatanga-tangahan siya para linlangin ang Itaas, pinagtatakpan at ikinukubli ang mga bagay-bagay, at sa huli ay napakaraming problema ang lumitaw. Kalabisan ba, kung gayon, na patalsikin siya at hayaan siyang makakuha ng trabaho para kumita ng pera para mabayaran ang mga pinsala? (Hindi.) Sabihin mo sa Akin, kahit na kayang maibalik ng anticristo na iyon ang pera, makatatagpo ba siya ng kapayapaan sa buhay na ito? Magiging madali ba para sa kanya? Nangangamba Akong kakailanganin niyang gugulin ang buong buhay niya sa pagdurusa. Kung alam niyang hahantong sa ganito ang kanyang mga kilos, anong naisip niya’t kumilos siya sa ganoong paraan noon? Bakit niya ginawa iyon sa simula pa lang? Hindi naman sa nanalig lang siya sa Diyos nang isa o dalawang taon at hindi niya alam ang mga tuntunin sa Kanyang sambahayan, o kung paano ang magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso, o kung ano ang katapatan—pagkatapos ng lahat ng taong iyon ng pananalig sa Kanya, hindi talaga siya nagbago, at kahit na nakapagserbisyo siya nang kaunti, ginawa pa rin niya ang gayong kasamaan! Dahil sa pagiging kasuklam-suklam, dapat na siyang itiwalag at isumpa!
May pagkakatulad ang mga anticristo sa paraan ng kanilang pagtatrabaho: Anumang trabaho ang ginagawa nila, pinagbabawalan nila ang iba na makialam o magtanong. Palagi nilang gustong itago at pagtakpan ang mga bagay-bagay. Malamang na may binabalak sila; hindi nila pinahihintulutan ang mga tao na malaman ang tungkol sa mga problema sa kanilang gawain. Kung ginawa nila ang mga bagay nang maayos at tapat, sa paraang naaayon sa katotohanan at sa mga prinsipyo, nang may malinis na konsensiya, ano ang dapat nilang ikabahala? Ano roon ang hindi maaaring banggitin? Bakit hindi nila pinahihintulutan ang iba na magtanong at makialam? Ano ang inaalala nila? Ano ang kinatatakutan nila? Maliwanag, may binabalak sila—halatang-halata lang ito! Gumagawa ng trabaho ang mga anticristo nang walang anumang pagiging bukas. Kapag nakagawa sila ng isang masamang bagay, nag-iisip sila ng mga paraan para itago at pagtakpan ito, nag-iimbento ng mga huwad na anyo, nakikisali pa nga sa tahasang panlilinlang. Ano ang mga resulta nito? Sinisiyasat ng Diyos ang lahat, at kahit na maaaring saglit na hindi alam ng ibang mga tao ang isang bagay, at maaaring mailihis nang sandali, darating ang araw na ibubunyag ito ng Diyos. Sa paningin ng Diyos, hayag ang lahat, nabubunyag ang lahat. Walang silbi para sa iyo na magtago ng isang bagay mula sa Diyos. Siya ay makapangyarihan, at kapag nagdesisyon Siyang ibunyag ka, ang lahat ay malinaw na ilalantad. Ang mga anticristo lang, ang mga hangal na iyon na walang espirituwal na pang-unawa, at na nagtataglay ng kalikasan ng arkanghel, ang maniniwalang, “Hangga’t mahigpit kong itinatago ang mga bagay-bagay, at hindi ka hinahayaang makialam o magtanong, at hindi ka hinahayaang mangasiwa ng mga bagay-bagay, wala kang malalaman—at magiging ganap na kontrolado ko ang iglesiang ito!” Naniniwala sila na kung mamumuno sila bilang mga hari, makokontrol nila ang sitwasyon. Ganoon ba talaga ang mga bagay-bagay? Hindi nila alam na makapangyarihan ang Diyos; ang katusuhan nila ay sariling-pagproklama. Sinisiyasat ng Diyos ang lahat. Halimbawa, sabihin nating gumawa ka ng kasamaan ngayon. Sinisiyasat ito ng Diyos, subalit hindi ka Niya ibinubunyag—binibigyan ka Niya ng pagkakataong magsisi. Gagawa ka muli ng kasamaan bukas, at gayumpaman, hindi mo ito ipinaliliwanag o hindi ka nagsisisi; binibigyan ka pa rin ng Diyos ng pagkakataon, at hinihintay kang magsisi. Subalit kung mananatili kang hindi nagsisisi, hindi gugustuhin ng Diyos na bigyan ka ng pagkakataong iyon. Masusuklam Siya sa iyo at kamumuhian ka, at sa kaibuturan ng Kanyang puso, hindi Niya gugustuhing iligtas ka, at aabandonahin ka Niya nang lubusan. Sa kasong iyon, ilang minuto lang bago ka Niya ibunyag, at gaano mo man subukang pagtakpan o hadlangan ang mga bagay-bagay, wala talagang magiging silbi ito. Gaano man kalaki ang iyong kamay, mahaharangan mo ba ang langit gamit ito? Gaano ka man kahusay, matatakpan mo ba ang mga mata ng Diyos? (Hindi.) Mga kahangalang ideya ang mga iyon ng tao. Tungkol sa kung gaano talaga kamakapangyarihan ang Diyos, medyo nararamdaman na ito ng mga tao sa Kanyang mga salita. Bukod pa rito, ang lahat ng miyembro ng tiwaling sangkatauhan na ito na gumawa ng malaking kasamaan at direktang sumalungat sa Diyos ay nakatagpo ng iba’t ibang kaparusahan, at lahat ng nakakita nito ay lubos na nakumbinsi, at kinikilala na ito ay retribusyon. Nakikita kahit ng mga walang pananampalataya na ang pagiging matuwid ng Diyos ay hindi nagpapahintulot ng anumang paglabag, kaya dapat na mas nakikita ito ng mga nananalig sa Kanya. Hindi masukat ang karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Walang paraan ang tao para malinaw na makita ang mga ito. May ganoong kanta—paano nga ba ito? (“Hindi Maarok ang mga Paraan ng Diyos.”) Ito ang diwa ng Diyos, ang tunay na pagbubunyag ng Kanyang pagkakakilanlan at diwa. Hindi na kinakailangan ang iyong mga hinuha o spekulasyon. Kailangan mo lang paniwalaan ang mga salitang iyon—kung gayon ay hindi mo gagawin ang gayong mga kahangalang bagay. Iniisip ng lahat ng tao na matalino sila; tinatakpan nila ng dahon ang kanilang mga mata at sinasabing, “Nakikita mo ba ako?” Sinasabi ng Diyos na, “Hindi lang kita nakikita nang buo, nakikita Ko maging ang iyong puso, at kung ilang beses ka nang nakapunta sa mundo ng mga tao,” at naiwang gulat ang mga tao. Huwag isiping matalino ka; huwag isiping, “Hindi alam ng Diyos ang tungkol dito, at hindi Niya alam ang tungkol diyan. Wala sa mga kapatid ang nakakita. Walang nakaaalam. May sarili akong maliit na pakana. Tingnan mo kung gaano ako katalino!” Walang tao sa mundong ito na hindi nakauunawa sa katotohanan o hindi naniniwalang ang Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ang matalino. Anuman ang sabihin o gawin nila, sa huli, ang lahat ng ito ay pagkakamali, lahat ay paglabag sa katotohanan, lahat ay paglaban sa Diyos. May isang uri lang ng tao na matalino. Aling uri iyon? Ang uri na naniniwalang sinisiyasat ng Diyos ang lahat, na nakikita Niya ang lahat, at na Siya ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Napakatalino ng ganoong mga tao, dahil sa lahat ng kanilang ginagawa ay mapagpasakop sila sa Diyos; ang lahat ng kanilang ginagawa ay naaayon sa katotohanan, sinang-ayunan ng Diyos, at pinagpala ng Diyos. Kung matalino man ang isang tao o hindi ay nakabatay sa kung makapagpapasakop sila sa Diyos; nakasalalay ito sa kung ang sinasabi at ginagawa nila ay naaayon sa katotohanan. Kung mayroon ka ng ideyang ito: “Narito ang iniisip ko tungkol sa bagay na ito, at iyon ang gusto kong gawin, dahil makikinabang ako rito—subalit ayokong ipagtapat ito sa iba, at hindi ko gustong malaman nila ang tungkol dito”—iyon ba ang tamang paraan ng pag-iisip? (Hindi.) Ano ang dapat mong gawin kapag napagtanto mo na hindi iyon ang tamang paraan ng pag-iisip? Dapat bigyan mo ang sarili mo ng isang magandang sampal sa mukha, para turuan ng leksiyon ang iyong sarili. Iniisip mo na kung hindi mo ito sasabihin, hindi ito malalaman ng Diyos? Ang katunayan ay habang iniisip mo iyon, alam ng Diyos ang iyong puso. Paano Niya nalalaman? Nauunawaan na ng Diyos ang kalikasang diwa ng tao. Kaya, bakit hindi ka Niya inilalantad sa bagay na ito? Kahit na hindi Niya ito inilalantad, unti-unti mo itong mauunawaan sa iyong sarili, dahil kumain at uminom ka na ng napakarami Niyang salita. Mayroon kang konsensiya at katwiran, isipan, at normal na pag-iisip; dapat magawa mong malaman kung ano ang tama at mali sa iyong sarili. Binibigyan ka ng Diyos ng oras at pagkakataong pag-isipang mabuti ang mga bagay-bagay, para makita kung ikaw ay hangal o hindi. Makikita mo ang mga resulta pagkatapos pag-isipan ang bagay na ito sa loob ng ilang araw: Malalaman mo na ikaw ay hangal at mangmang, at na hindi mo dapat subukang itago ang bagay na iyon mula sa Diyos. Sa lahat ng bagay, dapat mong ilantad ang lahat sa Diyos at dapat kang maging bukas—ito ang tanging kondisyon at kalagayan na dapat panatilihin sa harap ng Diyos. Kahit kapag hindi ka nagtatapat, lantad ka sa harap ng Diyos. Mula sa perpektiba ng Diyos, alam Niya ang mga katunayan, ipinagtatapat mo man ang tungkol dito o hindi. Hindi ba’t napakahangal mo kung hindi mo iyon makita? Kaya paano ka magiging isang matalinong tao? Sa pamamagitan ng pagbubukas ng iyong sarili sa Diyos. Alam mong sinisiyasat at alam ng Diyos ang lahat ng bagay, kaya huwag mong isiping matalino ka, at isiping maaaring hindi Niya alam; dahil tiyak na lihim na pinagmamasdan ng Diyos ang puso ng mga tao, ang matatalinong tao ay dapat na maging mas bukas, mas dalisay, at maging matapat—iyan ang matalinong bagay na gawin. Palaging iniisip na ikaw ay matalino; palaging nagnanais na itago ang maliliit mong lihim; palaging sinusubukang panatilihin ang kaunting kapribaduhan—iyan ba ang tamang paraan ng pag-iisip? Ayos lang na maging ganoon sa ibang tao, dahil ang ilang tao ay mga hindi positibong karakter at hindi nagmamahal sa katotohanan. Maaari kang magpigil nang kaunti sa mga taong tulad niyon. Huwag mong ilantad ang puso mo sa kanila. Sabihin, halimbawa, na may kinamumuhian kang isang tao, at nagsalita ka ng masama sa likod niya. Dapat mo bang sabihin sa kanya ang tungkol dito? Huwag—tama na ang hindi na lang gawing muli ang gayong bagay. Kung sasabihin mo ito, makasisira ito sa relasyon ninyong dalawa. Alam mo sa iyong puso na hindi ka mabuti, na ikaw ay madungis at buktot sa loob, na ikaw ay naiinggit sa iba, na para sa kapakanan ng pakikipagtunggali para sa kasikatan at pakinabang, nagsalita ka ng masama tungkol sa ibang tao sa likod niya para siraan siya—anong ubod ng sama! Kinikilala mong tiwali ka; alam mong mali ang iyong ginawa, at na buktot ang iyong kalikasan. Pagkatapos ay humaharap ka sa Diyos at nagdarasal sa Kanya: “O Diyos, ang ginawa ko nang lihim ay buktot at ubod ng samang bagay—humihingi ako sa Iyo ng kapatawaran, nakikiusap ako sa Iyo na gabayan ako, at nagmamakaawa ako na sawayin Mo ako. Sisikapin kong hindi na muling gawin ang gayong bagay.” Mabuti ang gawin iyon. Maaari kang gumamit ng ilang teknik sa iyong mga pakikipag-ugnayan sa mga tao, subalit pinakamahusay na ganap mong buksan ang iyong sarili sa Diyos, at kung nagkikimkim ka ng mga layunin at gumagamit ng mga diskarte, magkakaproblema ka. Sa iyong isipan, palagi mong iniisip na, “Ano ang masasabi ko upang tumaas ang tingin ng Diyos sa akin, at hindi mapansin ang iniisip ko sa aking kalooban? Ano ang tamang dapat sabihin? Dapat pa akong mas magtago sa aking sarili, dapat akong maging mas magaling makitungo, dapat akong magkaroon ng isang kaparaanan. Sa oras na iyon, marahil ay tataas na ang tingin ng Diyos sa akin.” Iniisip mo ba na hindi malalaman ng Diyos kung palagi kang nag-iisip ng ganyan? Alam ng Diyos ang anumang iniisip mo. Nakapapagod mag-isip nang ganyan. Higit na mas madali ang magsalita nang tapat at tunay, at ginagawa nitong mas madali ang iyong buhay. Sasabihin ng Diyos na ikaw ay tapat at dalisay, na bukas ang iyong puso—at iyan ay isang kahalagahang walang hanggan. Kung mayroon kang hayag na puso at isang matapat na saloobin, kahit pa may mga pagkakataong mapapalayo ka, at kikilos nang may pagkahangal, sa Diyos, hindi ito isang pagsalangsang; mas mabuti ito kaysa sa pagiging sobra mong mapagpakana, at mas mabuti kaysa sa palagian mong pag-iisip at pagpoproseso. May kakayanan ba ang mga anticristo sa mga bagay na ito? (Wala, wala silang kakayanan.)
Ang lahat ng tumatahak sa landas ng mga anticristo ay mga taong may disposisyon ng isang anticristo, at ang tinatahak ng mga taong may disposisyon ng anticristo ay ang landas ng mga anticristo—gayumpaman may kaunting pagkakaiba sa pagitan ng mga taong may disposisyon ng anticristo at mga anticristo. Kung ang isang tao ay may disposisyon ng anticristo at tatahakin ang landas ng mga anticristo, hindi agad iyon nangangahulugan na siya ay isang anticristo. Subalit kung hindi siya magsisisi at hindi niya kayang tumanggap ng katotohanan, maaari siyang maging isang anticristo. May pag-asa at pagkakataon pa rin para sa mga tao na tumatahak sa landas ng mga anticristo na magsisi, dahil hindi pa sila nagiging mga anticristo. Kung gumagawa sila ng maraming uri ng masamang bagay at kinlasipika bilang isang anticristo, at sa gayon ay pinaalis at pinatalsik kaagad, hindi na sila magkakaroon pa ng pagkakataong magsisi. Kung ang isang taong tumatahak sa landas ng mga anticristo ay hindi pa nakagagawa ng maraming masamang bagay, kahit papaano ay ipinakikita nito na hindi pa siya masamang tao. Kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan, may kislap ng pag-asa para sa kanya. Kung hindi niya tatanggapin ang katotohanan, anuman ang mangyari, mahihirapan siyang maligtas, kahit na hindi pa siya nakagagawa ng lahat ng uri ng kasamaan. Bakit hindi maaaring mailigtas ang isang anticristo? Dahil hindi niya tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Gaano pa man nagbabahagi ang sambahayan ng Diyos tungkol sa pagiging isang matapat na tao—tungkol sa kung paano dapat maging bukas at tapat ang isang tao, lumabas at sabihin ang dapat niyang sabihin, at huwag manlinlang—hindi lang niya ito kayang tanggapin. Pakiramdam niya palagi na nalulugi ang mga tao sa pagiging matapat at na kahangalan ang magsabi ng katotohanan. Determinado siya na hindi maging isang matapat na tao. Ito ang kalikasan ng mga anticristo, na tutol sa katotohanan at namumuhi rito. Paano maliligtas ang isang tao kung hindi niya tinatanggap kahit kaunti ang katotohanan? Kung kayang tanggapin ng isang taong tumatahak sa landas ng mga anticristo ang katotohanan, may malinaw na pagkakaiba sa pagitan niya at ng isang anticristo. Ang lahat ng anticristo ay mga taong hindi tumatanggap ng kahit katiting na katotohanan. Gaano man karaming mali o masasamang bagay ang nagawa nila, gaano man kalaki ang mga kawalang naidulot nila sa gawain ng iglesia at sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi nila kailanman pagninilayan at kikilalanin ang sarili nila. Kahit na pinungusan sila, hindi talaga nila tinatanggap ang anumang katotohanan; kaya nga kinaklasipika sila ng iglesia bilang masasamang tao, bilang mga anticristo. Ang isang anticristo, sa sukdulan, ay aamin lang na ang kanyang mga kilos ay lumalabag sa mga prinsipyo at hindi naaayon sa katotohanan, subalit talagang hindi niya kailanman aaminin na sinasadya niyang gumawa ng kasamaan, o sinasadyang labanan ang Diyos. Aaminin lang nila ang mga pagkakamali, subalit hindi nila tatanggapin ang katotohanan; at pagkatapos, magpapatuloy sila sa paggawa ng kasamaan tulad ng dati, nang hindi nagsasagawa ng anumang katotohanan. Mula sa katunayang hindi kailanman tinatanggap ng isang anticristo ang katotohanan, makikita na ang kalikasang diwa ng mga anticristo ay ang pagiging tutol sa katotohanan at pagkamuhi rito. Nananatili silang mga taong lumalaban sa Diyos tulad ng dati, kahit ilang taon na silang nananalig sa Kanya. Ang ordinaryong, tiwaling sangkatauhan, sa kabilang banda, ay maaaring mayroon ng lahat ng disposisyon ng isang anticristo, subalit may pagkakaiba sa pagitan nila at ng mga anticristo. May ilang tao na magagawang ikintal sa puso ang mga salita ng paghatol ng Diyos at paglalantadpagkatapos nilang marinig ang mga ito, at pag-iisipan ang mga ito nang paulit-ulit, at pagninilayan ang kanilang sarili. Pagkatapos ay maaari nilang mapagtanto na, “Ito nga ang disposisyon ng anticristo, kung gayon; ganito ang tumahak sa landas ng mga anticristo. Kay seryosong isyu nito! Mayroon ako ng mga kalagayan at pag-uugaling iyon; mayroon akong ganoong uri ng diwa—ako ang ganoong uri ng tao!” Pagkatapos ay isinasaalang-alang nila kung paano nila maaaring iwaksi ang disposisyong iyon ng anticristo at tunay na magsisi, at sa gayon, maaari nilang itakda ang kanilang kalooban sa hindi pagtahak sa landas ng mga anticristo. Sa kanilang trabaho at buhay, sa kanilang saloobin sa mga tao, mga pangyayari, at mga bagay at sa atas ng Diyos, mapagninilayan nila ang sarili nilang mga kilos at pag-uugali, kung bakit hindi sila makapagpasakop sa Diyos, kung bakit sila ay palaging namumuhay sa isang satanikong disposisyon, kung bakit hindi sila makapaghimagsik laban sa laman at kay Satanas. At kaya, magdarasal sila sa Diyos, at tatanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo, at magsusumamo sa Diyos na iligtas sila mula sa kanilang tiwaling disposisyon at mula sa impluwensiya ni Satanas. Na may determinasyon silang gawin ito ay nagpapatunay na kaya nilang tanggapin ang katotohanan. Nagbubunyag din sila ng isang tiwaling disposisyon, at kumikilos ayon sa kanilang sariling kalooban; ang kaibahan ay na ang isang anticristo ay hindi lang may mga ambisyon at pagnanais na magtatag ng isang independiyenteng kaharian—hindi rin nila tatanggapin ang katotohanan, anuman ang mangyari. Ito ang matinding kahinaan ng anticristo. Kung, sa kabilang banda, ang isang tao na may disposisyon ng anticristo ay kayang tumanggap ng katotohanan, at magdasal sa Diyos at sumandig sa Kanya, at kung nais niyang iwaksi ang tiwaling disposisyon ni Satanas, at na tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, sa mga anong paraan na ang panalanging iyon at ang determinasyong iyon ay magiging kapaki-pakinabang sa kanyang buhay pagpasok? Kahit papaano ay magiging dahilan ito para pagnilayan niya ang kanyang sarili at kilalanin ang kanyang sarili habang ginagawa niya ang kanyang tungkulin, at gamitin ang katotohanan sa paglutas ng mga problema, sa gayon ay magagawa niya ang kanyang tungkulin nang kasiya-siya. Iyon ay isang paraan na magiging kapaki-pakinabang ito sa kanya. Higit pa riyan, sa pagsasanay na ibinibigay sa kanya ng paggawa ng kanyang tungkulin, magagawa niyang humakbang sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Anumang paghihirap ang makatatagpo niya, magagawa niyang hanapin ang katotohanan, para pagtuunan ang pagtanggap sa katotohanan at pagsasagawa nito; magagawa niyang unti-unting iwaksi ang kanyang satanikong disposisyon, at lumapit para magpasakop sa Diyos at sumamba sa Kanya. Makakamit niya ang kaligtasan ng Diyos sa pagsasagawang gaya niyon. Ang mga taong may disposisyon ng anticristo ay maaaring magbunyag ng katiwalian paminsan-minsan, at maaari pa rin silang magsalita at kumilos para sa interes ng kanilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, sa kabila ng kanilang sarili, at maaari pa rin nilang gawin ang mga sarili nilang kalooban—subalit sa sandaling mapagtanto nila na ibinubunyag nila ang kanilang tiwaling disposisyon, magsisisi sila, at magdarasal sa Diyos. Pinatutunayan nito na sila ay isang taong kayang tumanggap ng katotohanan, na nagpapasakop sa gawain ng Diyos; pinatutunayan nito na hinahangad nila ang buhay pagpasok. Gaano man karaming taon ang naranasan ng gayong tao, o gaano man kalaki ang katiwalian na kanyang ibinubunyag, sa huli ay magagawa niyang matanggap ang katotohanan, at makapasok sa katotohanang realidad. Siya ay isang taong nagpapasakop sa gawain ng Diyos. At habang ginagawa niya ang lahat ng ito, ipinapakita nito na inilatag na niya ang pundasyon niya sa tunay na daan. Subalit ang ilan na tumatahak sa landas ng mga anticristo ay hindi kayang tumanggap ng katotohanan. Para sa kanila, magiging mahirap na makuha ang kaligtasan tulad nang para sa mga anticristo. Walang nararamdaman ang gayong mga tao kapag naririnig nila ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga anticristo, kundi walang pakialam at hindi natitinag. Kapag napupunta ang pagbabahaginan sa paksa ng disposisyon ng anticristo, aaminin nila na mayroon silang disposisyon ng anticristo at na tinatahak nila ang landas ng mga anticristo. Medyo maayos silang magsasalita tungkol dito. Subalit pagdating ng oras para sa pagsasagawa ng katotohanan, tatanggi pa rin silang gawin ito; gayumpaman, kikilos sila sa sarili nilang kalooban, sa pagsandig sa kanilang disposisyon ng anticristo. Kung tatanungin mo sila, “Nahihirapan ba ang iyong puso kapag nagbubunyag ka ng disposisyon ng isang anticristo? Nakararamdam ka ba ng pagpuna sa sarili kapag nagsasalita ka para pangalagaan ang iyong katayuan? Pinagninilayan at kinikilala mo ba ang iyong sarili kapag ibinubunyag mo ang disposisyon ng anticristo? Namimighati ka ba sa puso sa oras na nalaman mo ang tungkol sa iyong tiwaling disposisyon? Talaga bang magsisi o magbabago ka pagkatapos?” Siguradong wala silang maisasagot, dahil wala pa silang mga gayong karanasan at pagtatagpo. Wala silang masasabi. Ang mga ganitong tao ba ay may kakayahan sa tunay na pagsisisi? Sigurado, hindi ito magiging madali. Ang mga tunay na naghahangad sa katotohanan ay masasaktan sa anumang pagbubunyag ng disposisyon ng anticristo sa kanilang sarili, at mababahala; maiisip nilang: “Bakit hindi ko na lang maiwaksi ang satanikong disposisyong ito? Bakit palagi akong nagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon? Bakit ang tiwaling disposisyon kong ito ay napakatigas at napakahirap alisin? Bakit napakahirap pumasok sa katotohanang realidad?” Ipinapakita nito na mababaw ang kanilang karanasan sa buhay, at na hindi pa nila talaga masyadong nalulutas ang kanilang tiwaling disposisyon. Iyon ang dahilan kung bakit ang labanan sa kanilang puso ay nagngangalit nang husto kapag may nangyayari sa kanila, at kung bakit pinapasan din nila ang bigat ng pagdurusang iyon. Bagaman may determinasyon silang iwaksi ang kanilang satanikong disposisyon, siguradong hindi nila magagawa nang wala ang pakikibakang iyon laban dito sa kanilang puso—at ang kalagayan ng pakikibakang iyon ay tumitindi araw-araw. At habang lumalalim ang kaalaman nila sa kanilang sarili, at nakikita nila kung gaano sila katiwali, mas lalo silang nananabik sa katotohanan at mas lalo itong pinakaiingatan, at magagawa nilang tanggapin at isagawa ang katotohanan nang walang patid habang kinikilala ang kanilang sarili at ang kanilang tiwaling disposisyon. Unti-unting lalago ang kanilang tayog, at ang kanilang buhay disposisyon ay magsisimulang tunay na magbago. Kung patuloy nilang susubukang dumanas sa ganitong paraan, ang mga bagay ay bubuti nang bubuti, taon-taon, at sa huli, magagawa nilang mapagtagumpayan ang laman at maiwaksi ang kanilang katiwalian, para maisagawa ang katotohanan nang madalas, at makamit ang pagpapasakop sa Diyos. Hindi madali ang buhay pagpasok! Tulad lang ito ng pagsagip sa isang taong malapit nang mamatay: Ang responsabilidad na maaaring tuparin ng isang tao ay ang pagbabahagi sa katotohanan, pagsuporta sa kanya, pagtustos para sa kanya, o pagpupungos sa kanya. Kung matatanggap at makapagpapasakop siya rito, may pag-asa para sa kanya; maaari siyang suwertihin siyang makatakas, at hindi na aabot sa kamatayan ang mga bagay-bagay. Subalit kung tatanggi siyang tanggapin ang katotohanan, at walang alam tungkol sa kanyang sarili, nasa panganib siya. May ilang anticristo na lumilipas ang isa o dalawang taon pagkatapos maitiwalag nang hindi nakikilala ang kanilang sarili, at hindi kinikilala ang kanilang mga pagkakamali. Sa gayong kaso, wala nang natitirang tanda ng buhay sa kanila, at patunay iyon na wala na silang pag-asang maligtas. Matatanggap ba ninyo ang katotohanan kapag kayo ay pinupungusan? (Oo.) May pag-asa, kung gayon—mabuting bagay iyan! Kung matatanggap mo ang katotohanan, may pag-asa kang maligtas.
Kung nais mong maligtas, kailangan mong malampasan ang maraming hadlang. Ano ang mga hadlang na iyon? Walang tigil na pakikipaglaban sa iyong tiwaling disposisyon, at pakikipaglaban sa disposisyon ni Satanas at mga anticristo: Nais nitong kontrolin ka, at nais mong kumawala rito; nais nitong ilihis ka at nais mo itong itapon. Kung makikita mong hindi mo kayang makawala mula sa iyong tiwaling disposisyon kahit pagkatapos mo itong malaman, mababahala ka at masasaktan, at magdarasal ka. Minsan, kapag nakikita mo na ilang panahon na ang lumipas, at hindi ka pa rin nakakawala sa pagkontrol ng disposisyon ni Satanas, mararamdaman mong wala na itong pag-asa, subalit hindi ka susuko, at mararamdaman mong hindi ka maaaring magpatuloy na sobrang negatibo at nasisiraan ng loob—na kailangan mong patuloy na lumaban. Sa proseso ng pagganap ng isang tungkulin at sa proseso ng pagdanas sa gawain ng Diyos, may iba’t ibang panloob na tugon ang mga tao, ayon sa mga antas. Sa madaling sabi, ang mga may buhay ay ang mga naghahangad sa katotohanan, at patuloy silang nagbabago sa loob. Magkakaroon ng patuloy na pagbabago sa kanilang pag-iisip at mga pananaw, sa kanilang pag-uugali at pagsasagawa, at maging sa mga layunin, ideya, at kaisipan sa kaibuturan ng kanilang isipan. Higit pa rito, mas malinaw nilang matutukoy kung ano ang tama at kung ano ang mali, at kung anong mga maling bagay ang nagawa nila, at kung ang ilang paraan ng pag-iisip ay tama o mali, at kung ang ilang pananaw ay naaayon sa katotohanan, at kung ang mga prinsipyo sa likod ng pagkilos ay naaayon sa mga layunin ng Diyos, at kung sila ay isang taong nagpapasakop sa Diyos, isang taong nagmamahal sa katotohanan. Ang mga bagay na ito ay unti-unting magiging lalong malinaw sa kanilang puso. Sa anong pundasyon, kung gayon, itinayo ang pagkamit ng mga resultang ito? Ang pundasyon ng pagsasanay at pagpasok sa mga katotohanan habang inuunawa nila ang mga ito. Bakit ba hindi talaga kaya ng mga anticristo na magkamit ng pagbabago? Wala ba silang kakayahang unawain ang katotohanan? (Wala.) Kaya nilang itong unawain, subalit hindi nila ito isinasagawa, at hindi nila ito isinasagawa kapag naririnig nila ito. Maaaring nauunawaan at tinatanggap nila ito bilang doktrina, subalit maisasagawa ba nila ang mga bahaging iyon ng mga doktrina at regulasyon na nauunawaan nila? Hindi, hindi kahit kaunti; kahit puwersahin mo sila, kahit magpakapagod sila sa pagsisikap, hindi pa rin nila maisasagawa ang mga ito. Kaya naman sa kanila, ang pagpasok sa katotohanan ay nananatiling walang hanggang kawalan. Gaano man karami ang maaaring sabihin ng isang anticristo tungkol sa pagiging isang matapat na tao, gaano man kalaki ang kanilang mga pagsisikap, hindi pa rin sila makagawa ng isang matapat na pahayag; at gaano man sila nagsasalita tungkol sa pagpapakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, hindi pa rin nila bibitiwan ang kanilang mga makasarili at ubod ng samang motibasyon. Kumikilos sila mula sa makasariling pananaw. Kapag may nakikita silang mabuting bagay, isang bagay na magiging kapaki-pakinabang sa kanila, sasabihin nila, “Ibigay mo ito rito—akin ito!” Sinasabi nila ang anumang magiging kapaki-pakinabang sa kanilang katayuan, at ginagawa nila ang anumang magiging kapaki-pakinabang sa kanilang sarili. Ito ang diwa ng mga anticristo. Maaaring, sa isang saglit ng matinding damdamin, maramdaman nilang naunawaan na nila ang kaunting katotohanan. Nagkakaroon sila ng sigasig, at sumisigaw sila ng ilang islogan: “Kailangan kong magsagawa at magbago, at palugurin ang diyos!” Subalit pagdating ng panahon para isagawa ang katotohanan, ginagawa ba nila ito? Hindi nila ginagawa. Anuman ang sabihin ng Diyos, gaano man karaming katotohanan at katunayan ang ipinangangaral Niya, kasama ng anumang bilang ng mga tunay na halimbawa, hindi nito maaantig ang isang anticristo, at hindi rin nito mababago ang kanyang ambisyon. Ito ay isang katangian at isang tanda ng isang anticristo. Talagang hindi lang sila magsasagawa ng anumang katotohanan; kapag nagsasalita sila nang maayos, ito ay para marinig ng iba, at gaano man kaayos sila magsalita, isang anyo lang ito ng magarbo at hungkag na pananalita—teorya ito sa kanila. Paano ba talaga pinoposisyon ng gayong mga tao ang katotohanan sa kanilang puso? Ano ang sinabi Ko na sa iyo na kalikasang diwa ng isang anticristo? (Pagkamuhi sa katotohanan.) Tama iyan. Kinamumuhian nila ang katotohanan. Naniniwala sila na ang kanilang pagiging buktot, ang kanilang pagkamakasarili at pagiging ubod ng sama, ang kanilang pagmamataas, ang kanilang kalupitan, ang kanilang pang-aagaw ng katayuan at kayamanan, at ang kanilang pagkontrol sa iba ay ang pinakamataas na katotohanan, ang pinakamataas na pilosopiya, at walang ibang kasingtaas gaya ng mga bagay na iyon. Kapag nakakuha sila ng katayuan at kaya nilang kontrolin ang mga tao, magagawa nila ang anumang naisin nila, at ang lahat ng kanilang ambisyon at pagnanais ay maaari nang makamit. Ito ang pinakalayunin ng isang anticristo.
Ang mga anticristo ay tutol sa katotohanan at namumuhi rito. Posible ba para sa iyo na gawin ang isang taong tutol sa katotohanan na tanggapin ito at isagawa ito? (Hindi.) Ang paggawa niyon ay katumbas ng pagpapaakyat sa baka sa isang puno o ng pagpapakain ng dayami sa isang lobo—hindi ba’t paghingi iyon ng imposible sa kanya? Minsan ay makikita mo ang isang lobo na pumapasok sa isang kawan para makasama roon ang mga tupa. Gumagamit ito ng panlilinlang, naghihintay ng pagkakataon nitong kainin ang mga tupa. Hindi kailanman magbabago ang kalikasan nito. Gayundin, ang pagkakaroon ng isang anticristo na nagsasagawa ng katotohanan ay katumbas ng pagkakaroon ng isang lobo na kumakain ng dayami at inaabandona ang instinto nitong kumain ng tupa: Imposible ito. Karniboro ang mga lobo. Kumakain ang mga ito ng tupa—kumakain ang mga ito ng lahat ng uri ng hayop. Iyon ang kalikasan ng mga ito, at hindi ito mababago. Kung sinasabi ng isang tao na, “Hindi ko alam kung ako ay isang anticristo, subalit sa tuwing naririnig kong ibinabahagi ang katotohanan, nag-aalab sa galit ang aking puso, at namumuhi ako rito—at kung sinuman ang pupungos sa akin, mas lalo ko siyang kamumuhian,” anticristo ba ang taong iyon? (Oo.) Sinasabi ng isang tao na, “Kapag nangyayari sa iyo ang mga bagay-bagay, kailangan mong magpasakop at hanapin ang katotohanan,” at sinasabi ng unang taong iyon, “Magpasakop, mukha mo! Tumigil ka sa pagsasalita!” Anong uri ng bagay iyon? Pagiging mainitin ng ulo ba ito? (Hindi.) Anong disposisyon ito? (Pagkamuhi sa katotohanan.) Ni hindi niya matitiis ang usapan tungkol dito, at sa sandaling magbahagi ka ng katotohanan, sumasambulat ang kanyang kalikasan, at ipinakikita niya ang kanyang tunay na anyo. Ayaw niyang makarinig ng anumang pagbanggit tungkol sa paghahanap sa katotohanan o pagpapasakop sa Diyos. Gaano katindi ang pag-ayaw niya? Kapag narinig niya ang gayong usapan, nagagalit siya. Nawawala ang kanyang pagkamagalang; hindi siya natatakot na ipakita ang tunay niyang pagkatao. Ganoon kalayo ang naaabot ng kanyang pagkamuhi. Maisasagawa ba niya ang katotohanan, kung gayon? (Hindi.) Ang katotohanan ay hindi para sa kasamaan; ito ay para sa mga taong nagtataglay ng konsensiya at katwiran, sa mga nagmamahal sa katotohanan at mga positibong bagay. Hinihingi nito sa mga taong iyon na tanggapin nila ito at isagawa ito. At para sa masasamang taong iyon na may diwa ng isang anticristo, na labis na mapanlaban sa katotohanan at sa mga positibong bagay, hindi nila kailanman tatanggapin ang katotohanan. Gaano karaming taon man silang nananalig sa Diyos, gaano karaming sermon man ang kanilang naririnig, hindi nila tatanggapin o isasagawa ang katotohanan. Huwag ipagpalagay na hindi nila isinasagawa ang katotohanan dahil hindi nila ito nauunawaan, at na makauunawa sila kapag mas marami nito ang narinig nila. Imposible ito, dahil ang lahat ng tutol sa katotohanan at namumuhi rito ay mga kauri ni Satanas. Hindi sila kailanman magbabago, at walang ibang makakapagpabago sa kanila. Tulad lang ito ng arkanghel, pagkatapos ipagkanulo ang Diyos: Narinig ninyo na ba na sinabi ng Diyos na ililigtas Niya ang arkanghel? Hindi iyon kailanman sinabi ng Diyos. Kaya, ano ang ginawa ng Diyos kay Satanas? Ibinagsak Niya ito sa himpapawid at pinagserbisyo ito sa Kanya sa lupa, ginagawa ang dapat nitong gawin. At kapag natapos na ito sa pagseserbisyo, at nakompleto na ang plano ng pamamahala ng Diyos, wawasakin Niya ito, at iyon ang magiging iyon. May sinabi bang isang karagdagang bagay ang Diyos dito? (Wala.) Bakit wala? Dahil ito ay, sa madaling salita, walang silbi. Ang magsabi ng isang bagay rito ay kalabisan. Nakita na ito ng Diyos: Hindi kailanman mababago ang kalikasan ng isang anticristo. Ganyan na iyan.
Kapag nakatagpo kayo ng isang anticristo, paano ninyo siya dapat tratuhin? May ilang lider na tinukoy na mga huwad na lider o anticristo at pinalitan. Sa isa sa kanila, iniulat ng mga kapatid pagkaraan ng ilang panahon na medyo nagawa pa rin niyang gumawa ng gawain, na pansamantala siyang nagsisi at gumaganap nang maayos. Medyo hindi malinaw sa partikular kung gumaganap ba siya nang maayos sa pag-uugali, o kung nagsasalita siya sa paraang kaaya-aya sa pandinig, o kung naging mas disiplinado siya sa kanyang gampanin. Dahil sinabi ng mga kapatid na mahusay siyang gumaganap, at dahil sa kakulangan ng mga tao para sa ilang gawain, isinaayos na dapat siyang gumawa ng kaunting gawain. At bilang resulta, walang dalawang buwan ang nakalipas, nag-ulat ang mga kapatid: “Palitan siya kaagad—labis niya kaming pinahihirapan. Kung hindi siya papalitan, hindi namin magagawa ang aming mga tungkulin.” Hindi sila papayag na gamitin siya, anuman ang mangyari; kung sino man ang kanilang pipiliin bilang lider, hindi siya iyon. Siya pa rin ang dating walang prinsipyong tao—magaling siyang magsalita subalit, sa katunayan, hindi siya nagbago kahit kaunti. Ano ang nangyayari? Lubos nang nailantad ang kanyang kalikasan. Paano, sa iyong palagay, dapat pangasiwaan ang usaping ito? Na nagkaroon ng gayong katinding reaksiyon ang mga kapatid ay nagpapatunay na, tunay ngang, may kaunti silang pagkilatis. May ilang tao ang nailihis niya, at pagkatapos siyang pangasiwaan ng Itaas, may ilang nagtanggol sa kanya, at kalaunan ay sinabi ng ilan na nagsisi siya. Kaya, itinalaga muli siya sa mataas na posisyon, at pagkatapos ng ilang panahon, nabunyag siya nang ganap. Nakilala na siya ngayon ng mga kapatid, at magsasama-sama sila para patalsikin siya. Nakita ng Itaas na mapagkilatis na ang mga taong ito ngayon. Hindi sila nadiligan para sa wala. Kaya, dahil hindi sila lahat pumayag na gamitin siya, pinalitan siya ng Itaas. Saan nagmula ang kanilang pagkilatis? (Isang pagkaunawa sa katotohanan.) Oo—naunawaan na nila ang katotohanan. Nagmumula ang pagkilatis sa pagkaunawa sa katotohanan. Hindi ba’t ang katotohanan at ang Diyos pa rin ang naghahari doon? (Ganoon nga.) Napapanahon ang kanilang pagkilatis: Pagkatapos siyang tanggalin, hindi na nagdusa ang mga kapatid sa kanyang pagkontrol. Labis na nagdusa ang mga tao sa kanyang opresyon. Wala talaga siyang pagkatao. Hindi niya ginawa ang nararapat niyang trabaho, subalit ginulo ang pagganap ng mga kapatid sa kanilang mga tungkulin—pinagmalupitan niya sila, inabuso sila gamit ang kanyang kapangyarihan. Sino ang papayag sa ganoon? Isang hangal—siya iyon! Kapag ang gayong mga tao ay pinalitan, mayroon ba silang anumang damdamin tungkol dito pagkatapos? Noong nakaraan, ang taong iyon ay tinanggal ng Itaas; sa pagkakataong ito, pinatalsik siya ng mga kapatid, kinutya palabas ng entablado—hindi magarbong paraan ng pag-alis! Ginusto niya noong una na maghanap ng posisyon. Ang nangyari, hindi siya nakakuha ng posisyon, kundi bumagsak nang biglaan, at ibinalik sa orihinal niyang anyo. Hindi ba’t dapat pinagnilayan niya ang kanyang sarili? (Oo.) Kung siya ay isang normal na tao, na mayroon lang ng malubhang tiwaling disposisyon, hindi ba’t kailangan niya ring pagnilayan ang kanyang sarili? (Oo.) May isang uri ng tao na hindi nagninilay. Iniisip niya na tama siya, na kahit anong gawin niya ay tama; hindi siya tumatanggap ng mga katunayan, hindi siya tumatanggap ng mga positibong bagay, at hindi niya tinatanggap ang mga pagtatasa ng iba sa kanya. Ang mga ito ang mga taong may disposisyong diwa ng isang anticristo. Ang mga anticristo lang ang hindi marunong magnilay sa kanilang sarili. Ano sa halip ang pinag-iisipan nila? “Hmph! Darating ang araw na muling sisikat ang aking bituin. Hintayin niyong mapasakamay ko kayo—makikita ninyo kung paano ko kayo pahihirapan!” Magkakaroon ba sila ng pagkakataong gawin iyon? (Hindi.) Wala na silang mga pagkakataon. Habang nauunawaan ng mga kapatid ang mas maraming katotohanan, at kapag nakakikilatis na nila ng lahat ng iba’t ibang kalagayan ng iba’t ibang tao, at sa partikular, nakikilatis ang mga anticristo, ang espasyong natitira para sa isang anticristo na gumawa ng kasamaan ay liliit nang liliit, at magkakaroon siya ng mas kaunting pagkakataon para gawin ito. Hindi magiging madali para sa kanya na subukang makabalik. Umaasa siya na mangangaral nang mas kaunti ang Itaas tungkol sa pagkilatis at hindi na siya makikilatis kung sino siya. Kapag naririnig niyang pinagbabahaginan ang gayong mga katotohanan, alam niyang katapusan napara sa kanya, at iniisip niyang wala nang natitirang pag-asa para sa kanyang pagbabalik. Hindi niya iniisip na: “Ang inilalantad at kinikilatis nila ay tama—ganap na sinasalamanin nito ang aking kalagayan. Paano ako dapat magbago? Kung paulit-ulit lang akong aasal nang ganito, hindi ba’t iyon ang magiging katapusan ko? Ituturing akong walang halaga. Ano ang kabutihang maidudulot ng pagtahak sa landas ng arkanghel at pagsalungat sa Diyos?” Magkakaroon ba siya ng gayong pag-iisip? (Hindi.) Hindi siya mag-iisip, at tiyak na hindi niya pagninilayan ang kanyang sarili at susubukang kilalanin ang kanyang sarili; sa halip, mamamatay siya bago magsisi. Iyon ang kalikasan niya. Gaano ka man magbahagi ng katotohanan, hindi siya mapupukaw nito o mapagsisisi. May daanan ba para makatakas nang hindi nagsisisi? (Wala.) Hindi siya nagsisisi. Sinusundan niya ang kanyang landas patungo sa mapait nitong wakas, sa kanyang piniling kapahamakan, na idinidikta ng kalikasan ng mga anticristo.
Buong oras na nating pinag-uusapan ang tungkol sa paksa ng pagkilatis sa mga anticristo. Ano sa palagay ninyo ang pakiramdam ng mga anticristo habang nakikinig sila? Pagdating ng oras para magtipon, nakararamdam sila ng hindi matiis na paghihirap, at nanlalaban sila sa puso. Hindi ba’t mga anticristo sila? (Sila nga.) Kapag ang isang normal na tao na may tiwaling disposisyon ay alam na mayroon siyang disposisyon ng anticristo, sabik siyang gustong makarinig at makaunawa nang higit pa, dahil kapag nakaunawa na siya, doon niya magagawang hangarin ang pagbabago. Iniisip niya na kung hindi siya makakaunawa, maliligaw siya, at maaaring dumating ang araw na tutuntong siya sa landas ng mga anticristo, kung saan gagawa siya ng malaking kasamaan, binubuksan ang mga harang, at sa gayon ay mawawala ang pagkakataon niya sa kaligtasan, at hahantong sa kapahamakan. Natatakot siya rito. Iba ang pag-iisip ng isang anticristo. Desperado silang pigilan ang lahat ng iba pa na magsalita at makarinig ng mga sermon tungkol sa pagkilatis; sabik niyang ninanais na maging magulo ang pag-iisip at mawalan ng pagkilatis ang lahat, at na mailihis niya sila. Iyon ang magpapasaya sa kanya. Ano ang pinakaminimithi ng isang anticristo? Ang makuha ang kapangyarihan. Gusto ninyo bang makuha ang kapangyarihan? (Hindi.) Hindi sa inyong puso, subalit kung minsan ay sumasagi ito sa inyong isip bilang isang bagay na gugustuhin ninyo, at ito nga, sa katunayan, ay isang bagay na gugustuhin ninyong gawin. Maaaring may subhetibo kang kahilingan sa iyong kalooban, isang pananabik sa kaibuturan ng iyong puso na huwag maging ganoong uri ng tao, na huwag tahakin ang landas na iyon, subalit kapag may nangyayari sa iyo, ang iyong tiwaling disposisyon ang nag-uudyok at nagtutulak sa inyo. Pinupuwersa mo ang iyong isipan sa pag-iisip kung paano mo poprotektahan ang iyong katayuan at impluwensiya, kung gaano karaming tao ang kaya mong kontrolin, kung paano magsalita nang may awtoridad para makuha ang pagpapahalaga ng iba. Kapag palagi mong iniisip ang mga bagay na ito, wala na sa iyong kontrol ang iyong puso. Ano ang kumokontrol dito? (Isang tiwaling disposisyon.) Oo—nasa ilalim ito ng pagkontrol ng tiwaling disposisyon ni Satanas. Buong araw na pinag-iisipan ng isang tao ang tungkol sa mga alalahanin ng kanyang mga makalamang interes; palagi siyang nakikipagtunggali sa iba, at sa proseso ng mga pakikipagtunggaling ito, wala silang napapalang anuman, at ito ay napakasakit para sa kanila—at nabubuhay lang sila para sa laman at kay Satanas. Kaya’t itinatakda ng isang tao ang determinasyon niyang gawin nang maayos ang kanyang tungkulin at mabuhay para sa Diyos, para makipagtunggali lang muli para sa katayuan at kanyang mga interes kapag may mga nangyayari sa kanya: isang pabalik-balik na pakikipagtunggali na nagdudulot sa kanya ng matinding pagkapagod, kung saan wala siyang napapala. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t nakapapagod na paraan iyon ng pamumuhay? (Ganoon nga.) Ganoon siya nabubuhay araw-araw, at nang hindi niya namamalayan, ilang dekada na ang lumipas. May ilang tao na nananampalataya sa Diyos sa loob ng sampu o dalawampung taon—gaano karaming katotohanan na ang nakamit nila? Gaano kalaki na ang naging pagbabago sa kanilang tiwaling disposisyon? Para kanino sila nabubuhay sa bawat araw? Para saan sila nagpapakaabala? Para saan pa sila nagpakahirap sa pag-iisip? Lahat ng ito ay para sa laman. Sinabi ng Diyos na “ang bawat imahinasyon ng mga kaisipan ng puso ng tao ay puro kasamaan lang magpakailanman.” May mali ba sa mga salitang iyon? Tikman mo ang mga ito; lasapin ang mga ito. Kapag iniisip mo ang mga salitang ito, kapag nararanasan mo ang mga ito, hindi ka ba natatakot? Maaaring sabihin mong, “Nakararamdam ako ng kaunting takot. Sa panlabas, nagbabayad ako ng mga halaga sa buong araw; tinatalikuran at ginugugol ko ang aking sarili, at nagdurusa. Iyan ang ginagawa ng aking katawang laman—subalit masama ang lahat ng iniisip ng aking puso. Lahat ng mga ito ay sumasalungat sa katotohanan. Sa maraming bagay na ginagawa ko, kung saan ako nanggagaling, ang aking motibo, at ang aking mga layon ay puro tungkol sa paggawa ng kasamaan ng sarili kong imahinasyon.” Ano ang lumalabas sa pagkilos nang ganoon? Masasamang gawa. Maaalala ba ang mga ito ng Diyos? Maaaring sabihin ng ilan na, “Dalawampung taon na akong nananampalataya sa Diyos. Isinuko ko na ang lahat—at gayon pa man, hindi ito naaalala ng Diyos.” Nalulungkot at nasasaktan sila. Ano ang nagpapasakit sa kanila? Kung talagang maghihigpit ang Diyos sa tao, walang maipagmamalaki ang tao. Ang lahat ng ito ay biyaya ng Diyos, Kanyang awa—napakamapagparaya ng Diyos sa tao. Pag-isipan mo ito: Ang Diyos ay napakabanal, napakamatuwid, napakamakapangyarihan, at nagmamasid lang Siya habang iyong mga sumusunod sa Kanya ay lubos na nag-iisip ng masasamang kaisipan, buong araw, at mga kaisipang sumasalungat sa katotohanan, at mga kaisipang ganap na tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa kanilang sariling katayuan, katanyagan, at pakinabang. Hahayaan ba ng Diyos na sumalungat at magtaksil sa Kanya nang ganoon ang Kanyang mga tagasunod? Talagang hindi. Pinaghaharian ng mga ideya, kaisipan, layunin, at motibong ito, tahasang gumagawa ang mga tao ng mga bagay bilang paghihimagsik at pagsalungat sa Diyos, habang nagmamalaki na ginagawa nila ang kanilang tungkulin at nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos. Lahat ng ito ay nakikita ng Diyos, at gayon pa man, kinakailangan Niyang tiisin ito. Paano Niya ito tinitiis? Ipinagkakaloob Niya ang katotohanan; nagdidilig at naglalantad Siya; Siya rin ay nagbibigay-liwanag at tumatanglaw, at nagbibigay-patnubay, at nagtutuwid at nagdidisiplina—at kapag mahigpit ang disiplinang iyon, kailangan pa Niyang magbigay ng muling pagtiyak. Gaano kapasensiyoso ang Diyos para gawin ang lahat ng iyon! Nakamasid Siya sa iba’t ibang tiwaling disposisyon ng mga taong ito, sa katunayang ang lahat ng iba’t iba nilang pagbubunyag, pag-uugali, at ideya ay masama—at gayon pa man, natitiis Niya ito. Sabihin mo sa Akin, magagawa ba iyon ng tao? (Hindi.) Tunay ang pasensiyang ipinaaabot ng mga magulang sa kanilang mga anak, subalit maaari pa rin nilang abandonahin ang mga ito o putulin pa nga ang relasyon nila sa mga ito kapag hindi na nila matiis ang mga bagay-bagay. Ano, kung gayon, ang pasensiyang ipinaaabot ng Diyos sa isang tao? Ang bawat araw na nabubuhay ka ay isang araw na ipinaaabot ng Diyos sa iyo ang Kanyang pasensiya. Ganyan Siya kapasensiyoso. Ano ang nakapaloob sa pasensiyang iyon? (Pagmamahal.) Hindi lang pagmamahal—may ekspektasyon Siya sa iyo. Ano ang ekspektasyon na iyon? Na makita Niya ang resulta at ang gantimpala sa pamamagitan ng gawaing Kanyang ginagawa, at mabigyang-kakayahan ang tao na matikman ang Kanyang pagmamahal. May gayong pagmamahal ba ang tao? Wala. Sa kaunting pag-aaral at edukasyon lang, sa kaunting kaloob o talento lang, pakiramdam ng isang tao na mas marangal ang kanyang katayuan kaysa sa iba, at na hindi makalalapit sa kanya ang mga ordinaryong tao. Iyon ang pagiging kasuklam-suklam ng tao. Ganyan ba kumikilos ang Diyos? Ang lubos na kabaligtaran nito: Ang gayong hindi akalain na marumi, sobrang tiwaling sangkatauhan ay ang mga inililigtas ng Diyos; higit pa, naninirahan Siya kasama nila, nakikipag-usap sa kanila at umaalalay sa kanila, nang harapan. Hindi iyon magagawa ng tao.
Ang sumusunod ay ang karagdagang pagbabahaginan tungkol sa karagdagang problema. May ilang tao, kapag nagpapatotoo sila, na nagsasabing, “Sa tuwing nangyayari sa akin ang mga bagay-bagay, iniisip ko ang pagmamahal ng Diyos at ang Kanyang biyaya at naantig ako. Tumitigil ako sa pagbubunyag ng aking tiwaling disposisyon sa tuwing naiisip ko ang mga bagay na ito.” Pakiramdam ng karamihan ng tao na mabuti ang pahayag na ito, na talagang kaya nitong lutasin ang problema ng mga pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon. May katotohanan ba ang mga salitang ito? Wala, walang katotohanan ang mga ito. Ang pagmamahal ng Diyos, ang pagiging makapangyarihan Niya, ang pagpaparaya Niya para sa tao, at ang lahat ng ginagawa Niya sa tao ay nakaaantig lang sa isang tao—ang bahagi ng pagkatao nito, ang bahagi na konsensiya at katwiran nito; gayumpaman, hindi nito kayang lutasin ang tiwaling disposisyon ng tao, at hindi rin nito mababago ang layunin at direksiyon ng paghahangad ng tao. Ito ang dahilan kung bakit ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw: Ipinahahayag at ipinagkakaloob Niya ang katotohanan para malutas ang problema ng tiwaling disposisyon ng tao. Ano ang pinakamahalagang bagay na ginagawa ng Diyos? Ipinahahayag at ipinagkakaloob Niya ang katotohanan, at hinahatulan at kinakastigo ang tao. Hindi Niya nais na antigin ka sa Kanyang pagkilos o sa mga bagay na Kanyang ginagawa, para baguhin ang direksiyon at layunin ng iyong paghahangad. Hindi Siya gagawa ng gaya niyon. Anuman ang sinasabi ng Diyos tungkol sa kung gaano Siya kapasensiyoso sa tao, o tungkol sa kung paano Niya inililigtas ang tao, sa gaano man kalaking halaga—paano man Niya ito sinasabi, ninanais lang ng Diyos na maipaunawa sa tao ang Kanyang layuning iligtas ang mga tao. Hindi Niya sinasabi ang mga bagay na iyon para palambutin ang puso ng mga tao at bigyan sila ng kakayahang magbalik-loob dahil sa kung gaano sila naantig sa pakikinig sa Kanya. Hindi iyon maaaring gawin. Bakit hindi? Ang tiwaling disposisyon ng tao ay ang kanyang kalikasang diwa, at ang kalikasang diwang iyon ay ang pundasyon kung saan sumasandig ang mga tao para manatiling buhay. Hindi ito isang masamang kaugalian o kinagisnan na magbabago sa kaunting pag-uudyok; hindi ito magbabago sa sandaling masaya ang isang tao, o sa kaunting dami ng kaalamang nakamit o bilang ng mga librong nabasa. Imposible iyon. Walang sinumang makapagpapabago sa kalikasan ng tao. Magbabago lang ang isang tao sa pamamagitan ng pagtanggap at pagkakamit ng katotohanan—ang katotohanan lang ang makapagpapabago sa mga tao. Kung gusto mong magkamit ng pagbabago sa iyong buhay disposisyon, dapat mong hangarin ang katotohanan, at para hangarin ang katotohanan, dapat kang magsimula sa pamamagitan ng pagtatamo ng isang malinaw na pang-unawa ng lahat ng iba’t ibang katotohanang binibigkas ng Diyos. Naniniwala ang ilang tao na kung naunawaan na ng isang tao ang doktrina, naunawaan na niya ang katotohanan. Wala nang magiging mas mali pa rito. Hindi ito ang kaso na kung nauunawaan mo ang doktrina ng pananampalataya sa Diyos at kaya mong magsalita ng tungkol sa ilang espirituwal na teorya, naunawaan mo na kung gayon ang katotohanan. Pag-isipan itong mabuti, ngayon: Ano ba talaga ang tinutukoy ng katotohanan? Bakit palagi Kong sinasabi na napakaraming tao ang hindi nakauunawa sa katotohanan? Ipinagpapalagay nilang, “Kung nauunawaan ko ang kahulugan ng mga salita ng Diyos, nangangahulugan iyon na naunawaan ko na ang katotohanan,” at na, “Tama ang lahat ng salita ng Diyos; ang lahat ng ito ay binigkas sa ating puso, kaya’t pinagsasaluhang wika natin ang mga ito.” Sabihin mo sa Akin, tama ba ang pahayag na iyon, o hindi? Ano ba talaga ang ibig sabihin ng pag-unawa sa katotohanan? Bakit sinasabi nating hindi nila nauunawaan ang katotohanan? Pag-uusapan muna natin nang kaunti kung ano ang katotohanan. Ang katotohanan ay ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Kaya, paano nauugnay ang realidad ng mga positibong bagay na iyon sa tao? (Sa pagkakaunawa ko nito, o Diyos, ang paraan kung paano ito naipamamalas kapag nauunawaan ng isang tao ang katotohanan ay na anumang tao, pangyayari, at bagay ang kanyang nakahaharap, may mga prinsipyo siya, at alam niya kung paano tratuhin ang mga ito, at mayroon siyang landas sa pagsasagawa; nagagawang lutasin ng katotohanan ang kanyang mga paghihirap at nagiging realidad ito sa kanyang buhay. Sinasabi lang ng Diyos na ang pang-unawa ng isang tao sa doktrina ay hindi pang-unawa sa katotohanan—pakiramdam niya ay naunawaan na niya ang katotohanan, subalit hindi niya malutas ang alinman sa mga problema at paghihirap na mayroon siya sa kanyang tunay na buhay. Wala siyang landas para doon; hindi niya maiugnay ang mga bagay-bagay sa katotohanan.) Ganoon ang hindi pag-unawa sa katotohanan. Isang bahagi ng kakasabi lang ang tama: Ano ang katotohanan? (Mabibigyang-kakayahan ng katotohanan ang mga tao na magkaroon ng isang landas sa pagsasagawa, at na kumilos nang may mga prinsipyo; makalulutas ito ng mga paghihirap ng mga tao.) Tama iyan. Ang ikumpara ang sarili sa mga katotohanang prinsipyo at na magsagawa ayon sa mga ito—iyon ang landas. Pinatutunayan nito na isa iyong pag-unawa sa katotohanan. Kung doktrina lang ang nauunawaan mo, at kapag may nangyayari sa iyo, hindi mo ito magamit, at hindi mo mahanap ang mga prinsipyo, hindi iyon pag-unawa sa katotohanan. Ano ang katotohanan? Ang katotohanan ay ang mga prinsipyo at pamantayan sa paggawa ng lahat ng bagay. Hindi ba’t iyon iyon? (Iyon nga.) Kapag sinasabi Ko na hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan, sinasabi Ko na lumalayo kayo mula sa mga sermon na ang nalalaman lang ay doktrina. Hindi ninyo alam kung ano ang mga prinsipyo at pamantayan ng katotohanang nakapaloob dito, o kung aling mga bagay na nangyayari sa inyo ang may kinalaman sa aspektong iyon ng katotohanan, o kung aling mga kalagayan ang sangkot dito, ni hindi ninyo alam kung paano ilapat ang aspektong iyon ng katotohanan. Hindi ninyo alam ang alinman sa mga bagay na ito. Sabihin, halimbawa, na nagtanong kayo. Na magtatanong kayo ay nangangahulugang hindi ninyo nauunawaan ang nauukol na katotohanan. Mauunawaan ninyo ba ito pagkatapos magbahaginan tungkol dito? (Oo.) Maaaring maunawaan ninyo ito nang kaunti pagkatapos ng pagbabahaginan, subalit kung bigo kayong maunawaan ito kapag nangyaring muli sa inyo ang isang katulad na bagay, hindi iyon isang tunay na pag-unawa sa katotohanan. Hindi mo alam ang tungkol sa mga prinsipyo at pamantayan ng katotohanang iyon; wala kang pagkaarok sa mga iyon. Maaaring may katotohanang sa tingin mo ay naunawaan mo na—subalit sa kung ano ang mga realidad na tinutugunan nito, at kung ano ang mga kalagayan ng taong pinatutungkulan nito, kung naunawaan mo na ang katotohanang iyon, kaya mo bang panindigan ang sarili mong kalagayan laban dito para sa paghahambing? Kung hindi mo kaya, at hindi mo alam kung ano ang iyong tunay na kalagayan, kung gayon pag-unawa ba sa katotohanan ang sa iyo? (Hindi.) Hindi ito pag-unawa sa katotohanan. Pagdating sa isang aspekto ng katotohanan at ng mga prinsipyo, kung alam mo kung aling mga usapin at aling mga kalagayan ang may kinalaman sa katotohanang iyon, at kung aling mga uri ng mga tao o kung alin sa iyong mga sariling kalagayan ang nauugnay sa katotohanang iyon, at nagagamit mo rin ang katotohanang iyon para lutasin ang mga ito, ibig sabihin niyon na nauunawaan mo ang katotohanan. Kung pakiramdam mo ay nauunawaan mo ang isang sermon habang naririnig mo ito, subalit kapag hiningi sa iyong makipagbahaginan, ginagaya mo lang ang mga salita na iyong narinig, hindi magawang magsalita tungkol dito at ipaliwanag ito sa konteksto ng mga kalagayan at totoong sitwasyon, ang sa iyo ba ay pag-unawa sa katotohanan? Hindi, hindi iyon ganoon. Kaya, nauunawaan ninyo ba ang katotohanan sa halos lahat ng oras, o hindi? (Hindi.) Bakit hindi? Dahil sa karamihan ng mga katotohanan, lumalayo kayo mula sa pakikinig sa mga ito na doktrina lang ang naunawaan. Ang magagawa ninyo lang ay sumunod dito bilang isang regulasyon; hindi ninyo alam kung paano ito gamitin nang may pag-aangkop. Kapag may nangyayari sa iyo, natitigilan ka; kapag may nangyayari sa iyo, hindi mo magamit ang kaunting doktrinang naunawaan mo sa sitwasyon—wala itong silbi. Iyon ba ay pag-unawa sa katotohanan, o hindi? (Hindi.) Ganoon ang hindi maunawaan ang katotohanan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, ano kung gayon? Kailangan mong magsumikap pataas, at magtiyagang malaman ito. May ilang bagay na dapat naroroon sa iyong pagkatao: Dapat kang maging tapat at metikuloso sa kung ano ang iyong natututunan at ginagawa. Kung gusto mong hangarin ang katotohanan subalit wala kang konsensiya at katwiran ng mga normal na tao, hindi mo kailanman mauunawaan ang katotohanan, at ang sa iyo ay isang magulong pananampalataya. Hindi ito nakabatay sa iyong kakayahan; nakabatay lang ito sa kung nagtataglay ka ng ganitong uri ng pagkatao. Kung mayroon ka nito, kahit katamtaman ang iyong kakayahan, mauunawaan mo pa rin ang mga simpleng katotohanan. May kinalaman ito sa katotohanan, kahit papaano. At kung may napakahusay kang kakayahan, maaaring ang mga bagay na nauunawaan mo ay nasa malalalim na antas ng katotohanan, kung saan maaari kang makapasok dito nang mas malalim. May kaugnayan ito sa iyong kakayahan. Subalit kung walang saloobin ng pagiging tapat at metikuloso sa iyong pagkatao, at palagi kang malabo at walang katiyakan, magulo ang isip, palaging nasa isang kalagayan ng kadiliman—madilim, malabo, at pabasta-basta sa lahat ng bagay, palaging magiging mga regulasyon at doktrina ang katotohanan para sa iyo. Hindi mo ito makakamit. Sa pagdinig mo sa Aking sabihin ito, nararamdaman mo na ba ngayon na mahirap ang paghahangad sa katotohanan? May antas ito ng kahirapan, subalit maaari itong maging malaking antas, o maaaring maging maliit ito. Kung mag-iisip at magsisikap ka, liliit ang antas ng kahirapan, at magkakamit ka ng ilang katotohanan; kung talagang hindi ka magsisikap sa katotohanan, kundi sa doktrina at mga panlabas na pagsasagawa lang, hindi mo makakamit ang katotohanan.
Nakita na ba ninyo ang pinakabuod ng isang bagay sa pamamagitan ng Aking sistematikong pagbabahagi tungkol sa mga katotohanang ito? Nagkaroon na ba kayo ng anumang mga realisasyon? Hindi ba’t may mas maraming detalye sa mga bagay sa alinmang aspekto ng katotohanan kaysa sa katawan ng kaalaman ng alinmang kurso sa kolehiyo? (Mayroon.) Napakaraming detalye. Maaarok ng mga tao ang mga bagay na pinag-aaralan sa loob lang ng ilang taon ng pagsisikap, sa pamamagitan ng patuloy na pagsasanay at direktang karanasan, hangga’t makakabisado at mauunawaan nila ang mga ito. Sa pag-aaral ng isang akademikong asignatura, maaari itong unti-unting mapagdalubhasaan ng isang tao sa pamamagitan lang ng paggugol ng oras at lakas, at paglalaan ng kaunting pag-iisip. Subalit para maunawaan ang katotohanan, hindi sapat na gamitin mo lang ang iyong utak—kailangan mong gamitin ang iyong puso. Kung hindi mo pag-iisipan ang mga salita ng Diyos gamit ang iyong puso o daranasin ang mga ito gamit ang iyong puso, hindi mo mauunawaan ang katotohanan. Ang mga tao lang na may espirituwal na pang-unawa, na tapat, at may kakayahang makaarok ang makaaabot sa katotohanan; ang mga walang espirituwal na pang-unawa, na may mahinang kakayahan, at na walang kakayahang makaarok ay hindi kailanman makaaabot dito. Kayo ba ay mga taong walang pakialam, o kayo ba ay metikuloso? (Kami ay mga taong walang pakialam.) Hindi ba’t mapanganib iyon? Kaya ba ninyong maging metikuloso? (Kaya namin.) Mabuting bagay iyan; gustung-gusto Ko iyang marinig. Huwag ninyo palaging sabihing hindi ninyo kaya—paano ninyo malalaman hangga’t hindi ninyo nasusubukan? Dapat ay kaya ninyo ito. Sa kasalukuyan ninyong determinasyon at saloobin sa inyong paghahangad, may pag-asa na mauunawaan ninyo ang mga pangunahing katotohanan. Makakamit ito. Hangga’t handa ang isang tao na gamitin ang puso nila at magbayad ng halaga, at nagsisikap siya tungo sa katotohanan sa kanyang puso, gagawa ang Banal na Espiritu at peperpektuhin siya. Kung hindi siya magsisikap tungo sa katotohanan sa kanyang puso, hindi gagawa ang Banal na Espiritu. Tandaan: Para maunawaan ng isang tao ang katotohanan, dapat maagap siyang magsikap at magbayad ng halaga, subalit makakamit lang nito ang kalahati ng mga ninanais na resulta, makakamit lang nito ang bahagi kung saan ang mga tao ay dapat na makipagtulungan. Ang isa pang kalahati ay ang mahalagang bahagi ng pag-unawa sa katotohanan, na bigong maabot ng mga tao, at dapat sumandig sa gawain at pagpeperpekto ng Banal na Espiritu para makamit. Hindi ninyo dapat kalimutan na, kahit na sapat na ang sumandig sa pagsisikap pagdating sa pagkakamit ng kaalaman at pagkatuto tungkol sa agham, hindi ganoon gumagana ang pag-unawa sa katotohanan. Walang silbi na sumandig sa isipan lang—dapat gamitin ng isang tao ang kanyang puso, at dapat siyang magbayad ng halaga. Ano ang nakakamit sa pagbabayad ng halaga? Ang gawain ng Banal na Espiritu. Subalit ano ang pundasyon para sa gawain ng Banal na Espiritu? Ang isipan ng isang tao ay dapat sapat na pino; ang kanyang puso ay dapat sapat na tahimik at maayos, at sapat na bukas, bago gumawa ang Diyos. Banayad ang gawain ng Banal na Espiritu, at alam ito ng mga nakatikim na nito. Ang mga taong madalas na nagsisikap tungo sa katotohanan ay kadalasang nakadarama ng pagbibigay-liwanag ng Banal na Espiritu, kaya maayos ang landas nila ng pagsasagawa sa pagganap nila ng kanilang tungkulin, at may higit na kalinawan sa kanilang puso. Hindi mararamdaman ng mga taong walang karanasan ang gawain ng Banal na Espiritu, at hindi nila kailanman makikita ang tamang daan. Ang lahat ng bagay ay malabo at hindi tiyak sa kanila; hindi nila alam kung ano ang tamang landas. Ang totoo, hindi mahirap makamit ang pag-unawa sa katotohanan at makita nang malinaw ang landas ng pagsasagawa: Kung nasa puso ng isang tao ang mga kondisyong iyon, gagawa ang Banal na Espiritu. Subalit kung wala sa mga kondisyong iyon ang puso mo, hindi mo makikita ang gawain ng Banal na Espiritu. Hindi ito abstrakto o malabo. Kapag ikaw ay nasa mga kalagayang iyon at ang iyong puso ay nasa mga kondisyong iyon, kung ikaw ay maghahanap, magsisikap, mag-iisip, at magdarasal, gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Subalit kung ikaw ay makalilimutin, palaging ninanais na maghangad ng katayuan at nakikipagtunggali para sa katanyagan at pakinabang, palaging ninanais na manggulo tungkol sa anyo at ilapat ang iyong pagsisikap para dito—kung ikaw ay palaging tumatakas, nagtatago, umiiwas, at tumatanggi sa Diyos, hindi bukas, at may pusong hindi lantad sa Kanya—hindi gagawa ang Banal na Espiritu. Hindi ka Niya papansinin, hindi ka man lang Niya sasawayin. Gaano karaming katotohanan ang mauunawaan ng isang tao na hindi pa nakararanas ng pagsaway ng Banal na Espiritu? Minsan, sinasaway ka ng Banal na Espiritu para ipaalam sa iyo ang tamang paraan at maling paraan sa paggawa ng isang bagay. Kapag binigyan ka Niya ng ganoong pakiramdam, ano sa huli ang makakamit mo mula rito? Makakamit mo ang abilidad na makilatis ang tama sa mali, at magiging napakalinaw sa iyo ang bagay na iyon, sa isang sulyap: “Mali ang ganoong paraan—hindi ito naaayon sa mga prinsipyo. Hindi ko dapat gawin iyon.” Sa bagay na iyon, malalaman mo nang malinaw kung ano ang mga prinsipyo, at kung ano ang layunin ng Diyos, at kung ano talaga ang katotohanan, at sa gayon, malalaman mo kung ano ang dapat mong gawin. Subalit kung hindi gagawa ang Banal na Espiritu, kung hindi ka Niya bibigyan ng gayong disiplina, magpakailanman kang mananatili sa isang kalagayan ng magulong pag-iisip, nang walang kalinawan, pagdating sa gayong mga bagay. Kapag nangyari sa iyo ang mga ito, matitigilan ka; kapag nangyari sa iyo ang mga ito, hindi mo malalaman kung ano ang nangyayari, at sa iyong puso, magiging parang alkitran ito—hindi magiging malinaw sa iyo kung ano ang dapat mong gawin. Maaaring hindi mo na makontrol ang iyong pagkabalisa—subalit bakit hindi gagawa ang Banal na Espiritu? Marahil ay hindi tama ang ilang kalagayan sa iyong kalooban, at ikaw ay lumalaban. Ano ang iyong nilalabanan? Kung kumakapit ka sa kung anong maling pananaw o kuru-kuro, hindi gagawa ang Diyos, kundi maghihintay hanggang sa kung kailan mo mapapagtanto na mali ang kuru-kuro o pananaw na iyon. Gumagawa lang ang Banal na Espiritu mula sa pundasyong iyon. Kapag gagawa ang Banal na Espiritu, hindi Siya tumitigil sa pagpapaalam sa iyo, nang sinasadya, kung ano ang tama at mali. Sa halip, hinahayaan ka Niyang malinaw na makita kung ano ang landas, at ang direksiyon, at ang layunin, at kung gaano kalayo ang iyong pang-unawa mula sa katotohanan. Hinahayaan ka Niyang malaman ito nang malinaw. Nagkaroon na ba kayo ng gayong mga pagtatagpo? Kung sampu o dalawampung taon nang nananalig sa Diyos ang isang tao nang walang gayong mga partikular na pagtatagpo o karanasan, anong uri siya ng tao? Isang taong walang pakialam. Makapagbibigay lang siya ng ilang madalas-sabihin na doktrina at islogan, at makalulutas lang ng mga problema gamit ang ilan niyang estratehiya at simpleng teknik na iyon. Para dito, nakatakda siyang magkaroon lang ng kaunting pag-usad—hindi niya kailanman mauunawaan ang katotohanan, at ang Banal na Espiritu ay hindi gagawa sa kanya. Sa gayong mga walang pakialam na tao, na ganap na hindi maaabot ang katotohanan, hindi nila ito mauunawaan, kahit pa bigyang-liwanag sila ng Banal na Espiritu. At sa gayon, hindi gagawa sa kanila ang Banal na Espiritu. Bakit hindi? May paborito ba ang Diyos? Wala. Ano ang dahilan, kung gayon? Dahil napakababa ng kanilang kakayahan, at hindi nila ito maaabot. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan, kahit pa gumawa ang Banal na Espiritu; kung sasabihin sa kanila na ang isang bagay ay isang prinsipyo, magkakaroon ba sila ng abilidad na maunawaan iyon? Hindi. Kaya, hindi iyon gagawin ng Diyos. Nakatagpo na ba kayo ng ganito? Ang katotohanan ay walang kinikilingan. Habang hinahangad mo ito, habang sinasaliksik mo ito, gagawa ang Banal na Espiritu, at makakamit mo ito. Subalit kung tamad ka at nag-iimbot ng kaginhawahan, at ayaw mong magsikap sa katotohanan, hindi gagawa ang Banal na Espiritu, at hindi mo makakamit ang katotohanan, kahit sino ka man. Nauunawaan mo na ba ngayon? Kasalukuyan mo bang hinahangad ang katotohanan? Ang sinumang naghahangad nito ay nagkakamit nito, at ang mga sa huli ay magkakamit ng katotohanan ay magiging mga kayamanan. Maaaring mainggit sa kanila ang mga hindi ito kayang makamit, nang walang silbi: Kung palalampasin nila ang pagkakataong ito, mawawala ito.
Kailan ang pinakamagandang yugto ng panahon para hangarin ang katotohanan? Sa panahong ito, kung kailan gumagawa ang Diyos sa katawang-tao nakikipag-usap at nakikipagbahaginan sa iyo nang harapan, pinapayuhan ka at tinutulungan ka. Bakit Ko nasabi na ito ang pinakamagandang panahon? Dahil ang gawain at pananalita ng Diyos na nagkatawang-tao ay ganap na nakapagbibigay-kakayahan sa iyo na maunawaan ang mga layunin ng Banal na Espiritu, at nagpapahintulot sa iyong malaman kung paano Siya gumagawa. Nauunawaan ng Diyos na nagkatawang-tao ang mga prinsipyo, huwaran, paraan, at pinagkukunan ng gawain ng Banal na Espiritu sa kabuuan nito, at sinasabi Niya ito sa iyo, para hindi mo na kailanganing ikaw mismo ang mag-apuhap para dito. Gamitin ang shortcut na ito, at makakarating ka rito, kaagad. Kapag humintong magsalita ang Diyos na nagkatawang-tao at natapos na ang Kanyang gawain, kakailanganin mong ikaw mismo ang mag-apuhap para dito. Walang sinuman ang maaaring humalili para sa nagkatawang-taong laman na ito, na maaaring tahasang magsabi sa iyo kung ano ang gagawin, at kung saan pupunta, at kung anong uri ng daan ang tatahakin. Walang sinumang makapagsasabi sa iyo ng mga bagay na iyon; gaano man ka-espirituwal ang isang tao, hindi niya ito magagawa. May mga halimbawa nito. Katulad lang ito sa mga mananampalataya ni Jesus, na nananalig na sa loob ng dalawang libong taon: May ilan sa kanila ngayon ang humahakbang paatras para basahin ang Lumang Tipan at sundin ang kautusan; at may ilang nagpapasan ng mga krus, gayon man ay isinasabit ang sampung utos sa kanilang mga silid, at sinusunod ang mga regulasyon at mga kautusan. Ano ang nakamit nila sa huli? Nagawa na ng Banal na Espiritu ang gawain, subalit dahil walang mga maliwanag na salita, naiwan sila para mag-apuhap. Ano ang ibig sabihin ng kawalan ng mga maliwanag na salita? Ibig sabihin nito na ang inaapuhap at natatamo ng mga tao ay hindi tiyak. Walang sinuman ang makapagbibigay sa iyo ng katiyakan, sinasabing tama para sa iyong gawin ito at mali na gawin iyon. Walang makapagsasabi sa iyo niyan. Kahit na bigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu, at naniniwala kang tama ito, sumasang-ayon ba ang Diyos? Hindi ka rin sigurado, hindi ba? (Hindi.) Ang mga salitang iyon ng Panginoong Jesus, na iniwan Niya dalawang libong taon na ang nakalilipas at naitala sa Bibliya—ngayon, pagkaraan ng dalawang libong taon, ang mga mananampalataya sa Panginoon ay nag-alok ng lahat ng uri ng paliwanag tungkol sa usapin ng Kanyang pagbabalik, at walang nakaaalam kung ano talaga ang tumpak na paliwanag. Kaya, isang malaking pagsubok para sa kanila na tanggapin ang yugtong ito ng gawain. Ano ang ipinapakita nito? Na sa mga hindi maliwanag na salitang ito na hindi maliwanag na ibinigay, ang sampung tao ay may sampung paliwanag, at isang daan, isang daan. Ang bawat isa ay may kanya-kanyang pangangatwiran at argumento. Aling paliwanag ang tama? Hangga’t hindi nagsasalita o nag-aalok ng kongklusyon ang Diyos, walang sinasabi ng tao ang mahalaga. Gaano man kalaki ang iyong denominasyon, gaano man karami ang mga miyembro nito, may halaga ba ito sa Diyos? (Wala.) Hindi tinitingnan ng Diyos ang iyong puwersa. Kahit na walang isang tao sa mundo ang makatatanggap sa ginagawa ng Diyos, tama ito, at ito ang katotohanan. Ito ay isang walang hanggang, hindi nagbabagong katunayan! Ipinaliliwanag ito ng lahat ng relihiyon at denominasyon sa ganitong paraan at ganyan, at ano ang mangyayari sa huli? May silbi ba ang iyong paliwanag? (Wala.) Pinabubulaanan ito ng Diyos sa isang pangungusap. Gaano mo man ito patuloy na ipinaliliwanag, papansinin ka ba ng Diyos? (Hindi.) Bakit hindi ka papansinin ng Diyos? Nagsimulang gumawa ng bagong gawain ang Diyos, nagpapatuloy nang halos tatlumpung taon na ngayon. Pakikinggan Niya ba ang mga taong iyon, gaano man kayabang sila nagsisisigaw? (Hindi.) Hindi Niya sila papansinin. Sasabihin ng mga tao sa relihiyon: “Kung hindi Mo sila pinakikinggan, maliligtas ba ang mga taong iyon?” Ang katunayan ay na matagal nang nilinaw lahat ang mga salita ng Diyos, at nasusunod ang Kanyang sinasabi. Gaano man kalaki ang puwersa ng relihiyosong mundo, wala itong silbi; gaano man kalaki ang kanilang bilang, hindi iyon nagpapatunay na nasa kanila ang katotohanan. Ginagawa ng Diyos ang nararapat Niyang gawin; kung saan man Siya dapat magsimula, doon Siya nagsisimula; kung sino man ang dapat Niyang piliin, iyon ang pinipili Niya. Naiimpluwensiyahan at napipigil ba Siya ng relihiyosong mundo? (Hindi.) Hindi kahit kaunti. Ito ay gawain ng Diyos. At gayumpaman, gusto ng tiwaling sangkatauhan na mangatwiran sa Diyos, at nag-aalok sa Kanya ng mga paliwanag buong araw—may anumang silbi ba ito? Kinukuha pa nga nila ang mga salita ng Bibliya para bigyang-kahulugan ayon sa gusto nila—malinaw na inaalis nila ang mga ito sa konteksto, at gusto pa nga nilang kumapit sa mga ito buong buhay nila, naghihintay na tuparin ng Diyos ang mga ito. Nananaginip sila! Kung hindi hahanapin ng isang tao ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, at palaging nanaising hilingin sa Diyos na gawin ang bagay na ito at ang bagay na iyon, mayroon pa bang katwiran ang taong iyon? Ano ang sinusubukan niyang gawin? Gusto ba niyang mag-alsa? Gusto ba niyang makipaglaban sa Diyos? Kapag nangyari ang malaking sakuna, magugulat ang lahat; iiyak sila at sisigaw, nang walang silbi. Hindi ba’t ganito ang mangyayari? Ganito nga.
Ngayon ang pinakamagandang yugto ng panahon—ito ang panahong kung kailan inililigtas at ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao. Huwag hintayin na dumating ang araw na nalampasan mo na ang panahong ito, at pagkatapos ay pag-isipan: “Ano ang ibig sabihin ng sinabing iyon ng Diyos? Mas mainam na magtanong sa panahong iyon, ngayon ay hindi na ako makapagtanong. Magdarasal na lang ako kung gayon; gagawa ang Banal na Espiritu, parehong bagay iyon.” Magiging pareho ba ito? (Hindi.) Kung pareho iyon, ang mga taong nananampalataya sa Panginoon sa loob nitong dalawang libong taon ay hindi magiging kung ano sila. Tingnan na lang ang mga salitang isinulat ng mga tinatawag na santo sa unang kalahati ng ikalawang milenyo—gaano kababaw ang mga ito, gaano kaawa-awa! Mayroon na ngayong isang makapal na aklat ng mga himno na inaawit ng mga tao ng lahat ng relihiyon at denominasyon, at ang mga himnong iyon ay nagsasabi lang tungkol sa biyaya at pagpapala ng Diyos—ang dalawang bagay lang na iyon. Kaalaman sa Diyos ba iyon? Hindi, hindi iyon. May kaunting katotohanan ba rito? (Wala.) Alam lang nila na mahal ng Diyos ang mga tao sa mundo. May isang kasabihan na laging nariyan sa mundo, hindi nagbabago: “Ang Diyos ay pag-ibig.” Iyon lang ang pangungusap na alam nila. Buweno, paano minamahal ng Diyos ang mga tao? Inaabandona at itinitiwalag na sila ngayon ng Diyos—pag-ibig pa rin ba Siya? Sa tingin nila, hindi—hindi na. Kaya kinokondena nila Siya. Na hindi hinahangad ng tao ang katotohanan at hindi ito maunawaan ay ang pinakakaawa-awang bagay. May gayong napakagandang pagkakataon sa kasalukuyan. Nagkatawang-tao ang Diyos para ipahayag ang katotohanan at iligtas ang mga tao nang personal. Nakapanghihinayang, kung hindi mo hinangad ang katotohanan at hindi mo ito nakamit. Kung hinangad mo ito, at ginawa ito nang buong sigla, subalit nabigong maunawaan ito sa huli, magkakaroon ka ng malinis na konsensiya—kahit paano ay hindi mo mabibigo ang iyong sarili. Sinimulan na ba ninyo ang inyong paghahangad? Ang pagtupad ba ng isang tungkulin ay maibibilang na pagsunod sa katotohanan? Maibibilang ito na isang uri ng pakikipagtulungan, subalit pagdating sa pagkakamit ng paghahangad sa katotohanan, sa pagbilang na isang paghahangad sa katotohanan, wala pa ito roon. Ito ay isang anyo lang ng pag-uugali, isang uri ng pagkilos—ito ay pagtataglay ng isang saloobing naghahangad sa katotohanan. Kaya, paano maibibilang ang isang bagay na paghahangad sa katotohanan, kung gayon? Dapat magsimula ka sa pag-unawa sa katotohanan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at hindi sineseryoso ang anumang bagay, at nagiging pabasta-basta sa iyong tungkulin, at ginagawa ang anumang naisin mo, nang hindi kailanman hinahanap ang katotohanan o binibigyang-pansin ang mga katotohanang prinsipyo, magagawa mo ba kung gayon na maunawaan ang katotohanan? Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, paano mo ito hahangarin? Hindi ba’t tama iyon? (Ganoon nga.) Anong uri ng mga tao ang mga hindi naghahangad sa katotohanan? Mga hangal sila. Kaya, paano mo hahangarin ang katotohanan, kung gayon? Dapat simulan mo sa pamamagitan ng pag-unawa rito. Mahirap bang unawain ang katotohanan? Hindi, hindi ito mahirap. Magsimula sa mga kapaligiran na nakasasalamuha mo at sa tungkuling ginagampanan mo, at magsagawa at magsanay ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ipinapakita ng paggawa nito na ikaw ay nagsimulang tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Una, mula sa mga prinsipyong ito, magsimulang magsaliksik, mag-isip-isip, magdasal, at magkamit ng kaliwanagan nang paunti-unti—ang kaliwanagan na iyong makakamit ay ang katotohanang dapat mong maunawaan. Hanapin mo muna ang katotohanan mula sa pagganap mo sa iyong tungkulin, at hangarin ang pagkilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang lahat ng bagay na ito ay hindi maihihiwalay sa totoong buhay: ang mga tao, pangyayari, at bagay na nakatatagpo mo sa buhay, at ang mga isyu na nasa saklaw ng iyong tungkulin. Magsimula sa mga bagay na iyon, at abutin ang pag-unawa ng mga katotohanang prinsipyo—magkakaroon ka pagkatapos ng buhay pagpasok.
Oktubre 23, 2019