Ikawalong Aytem: Hinihimok Nila ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)

Karagdagang Babasahin: Isang Paghihimay sa mga Problemang Lumilitaw Kapag Isinasalin sa Panulat ang mga Sermon

Narinig Kong sinasabi ng ilang tao na inalis ng mga taga-transcribe ang mga kuwentong nasa simula ng huling ilang sermon, itinira lamang ang pormal na nilalaman ng mga sermon na kasunod ng mga kuwento. Ganito ba talaga? Aling mga kuwento ang inihiwalay mula sa mga sermon na kasunod ng mga ito? (Ang Kuwento nina Dabao at Xiaobao, Ang Kuwento nina Daming at Xiaoming, at Tungkol sa Kapital: “Hayaan na ito!”) Inihiwalay ang tatlong kuwentong ito mula sa nilalaman ng sermon, pero bakit? Sa anong dahilan? Mukhang inakala ng mga taga-transcribe na hindi angkop ang mga naunang kuwento sa nilalaman ng mga sumunod na sermon, kaya inihiwalay nila ang mga ito. Makatwiran ba ito? Ito mismo ang ginawa ng mga taga-transcribe. Masyado silang mapagmataas at mapagmagaling, kinukuha ang mga kuwento at inilalagay ang mga ito sa hiwalay na mga kabanata nang walang anumang nilalaman ng sermon. Masasabi ba ninyo na ang resulta ng paggawa nito ay mabuti o masama? Saka, masasabi ba ninyo na ang kuwentong nasa unahan ay dapat angkop at tugma sa sermon na kasunod nito? Kailangan ba talaga ito? (Hindi.) Kung gayon bakit nagkamali ng pagkaunawa sa gawain ang mga nagta-transcribe ng mga sermon sa ganitong paraan? Paano nila nagawang maniwala nang ganoon? Ano ang problema rito? Inisip nilang: “Ang mga kuwentong sinabi Mo ay malayo sa paksa. Susuriin ko ang mga ito para sa Iyo, at sa pamamahagi ng mga ito, hindi ko pagsasama-samahin ang mga ito. Ang mga sermon ay mga sermon; hayaang maging magkakatugma ang mga ito sa isa’t isa. Ang nilalaman ng mga naunang kuwento ay hindi dapat makasagabal sa nilalaman ng mga sermon. Kailangan kong suriin ang mga ito para sa Iyo dahil hindi Mo Mismo nauunawaan ang isyu.” Mabuting layunin ba ito? Saan nagmumula ang mabuting layunin nilang ito? Nagmumula ba ito sa mga kuru-kuro ng tao? (Oo.) Kapag nangangaral Ako, kailangan ko bang isaalang-alang nang lubusan ang lahat ng ito? Kailangan bang tugma ang bawat kuwentong sinasabi Ko sa kasunod na nilalaman? (Hindi.) Hindi ito kailangan; tinatawag itong isang regulasyon, isang kuru-kuro. Anong mga pagkakamali ang nagawa ng mga taga-transcribe? (Ang paggawa ng mga bagay batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon.) Ano pa? (Ang pagkilos nang walang ingat at padalos-dalos.) Ang kalikasan ng ganitong uri ng pag-uugali ay na medyo walang ingat at padalos-dalos ito; wala silang may-takot-sa-Diyos na puso. Makatwiran na sabihin ito, pero naiiba pa rin ito sa diwa ng usapin. Nang i-transcribe nila ang mga sermon, anong uri ng saloobin at anong uri ng pananaw ang ginamit nila sa pagtingin sa lahat ng sinabi ng Diyos? Mga kuwento o mga sermon man ito, anong uri ng saloobin ang kanilang ginamit, at mula sa anong anggulo nila tiningnan at pinakinggan ang mga sinabing bagay na ito? (Mula sa anggulo ng kaalaman at pagkatuto.) Tama iyan. Ang pagtingin sa mga kuwentong sinabi at sa nilalaman ng mga sermon mula sa perspektiba ng kaalaman ay hahantong sa ganitong problema. Naniniwala sila na kapag nagbibigay Ako ng sermon, anuman ang bahaging nais Kong talakayin, dapat may tamang pagkakasunod-sunod ang nilalaman; ang bawat pangungusap ay dapat lohikal, ang bawat pangungusap ay dapat naaayon sa mga kuru-kuro ng lahat, at ang bawat bahagi ay dapat may mahigpit na layon. Sinusukat nila ang Aking mga sermon ayon sa kuru-kurong ito. Nagpapakita ba ito ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa? (Oo.) Kawalan talaga ito ng espirituwal na pang-unawa! Ang paggamit ng lohika at hinuha para tingnan ang tinalakay Ko mula sa perspektiba ng kaalaman ay paggawa ng isang seryosong pagkakamali. Nagbabahagi Ako ng katotohanan, hindi gumagawa ng mga talumpati; dapat malinaw ito sa iyo. Kayong mga nakarinig ng mga sermon sa pagtitipon at pagkatapos ay nakinig muli ng mga sermong i-tinranscribe nila, may napansin ba kayong anumang mahahalagang punto o bagay na sinabi noong panahong iyon na inalis nila? May nangyari bang ganito? Halimbawa, baka nakarinig kayo ng isang sipi noong pagtitipon na talagang nakaaantig at talagang nakapagbibigay ng aral, ngunit nalaman ninyo pagkatapos, nang pakinggan ninyo ang recording ng sermon, na wala roon ang sipi; inalis na ito. Nangyari na ba ito sa inyo? Kung hindi kayo nakinig nang mabuti, maaaring hindi ninyo napansin, kaya siguraduhin ninyong makinig nang mabuti sa hinaharap. Minsan, nakinig Ako sa isang recording, at sa parte kung saan kasisimula Ko lang talakayin ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, inililista ang mga ito mula una hanggang panglabinlima, inalis nila ang mga detalyadong paglilinaw at paliwanag mula sa bawat isa, at sa halip ay inilista lamang nila ang unang pagpapamalas, ang ikalawang pagpapamalas, ang ikatlong pagpapamalas, at iba pa. Tinalakay ang bawat pagpapamalas nang napakabilis, sunod-sunod, mas mabilis pa kaysa sa isang guro na nagtuturo ng aralin. Para sa karamihan ng tao na hindi pa narinig ang sermong iyon noon at hindi pamilyar dito, wala silang pagkakataong magnilay habang nakikinig dito. Kung gusto nilang makinig nang mabuti, palagi nilang kakailanganing huminto, makinig sa isang pangungusap at pagkatapos ay mabilis na magtala, pagkatapos ay pagnilayan kung ano ang ibig sabihin ng pangungusap na ito, at saka pakinggan ang susunod na pangungusap. Kung hindi, magiging masyadong mabilis ang tempo at hindi sila makasasabay. Isa itong seryosong pagkakamali ng mga nag-edit ng mga recording ng sermon. Ang sermon ay isang usapan, isang talakayan. Ano ang nilalaman ng mga sermon? Tinatalakay ng mga ito ang iba’t ibang katotohanan at ang iba’t ibang kalagayan ng mga tao; lahat ng ito ay may kinalaman sa katotohanan. Kaya, madali ba para sa mga tao na tanggapin at unawain ang mga nilalamang ito na may kinalaman sa katotohanan, o nangangailangan ba ang mga ito ng pagsasaalang-alang, pagninilay-nilay, at mental na pagpoproseso bago unti-unting tugunan? (Nangangailangan ang mga ito ng pagsasaalang-alang, pagninilay-nilay, at mental na pagpoproseso.) Kung gayon, batay sa sitwasyong ito, anong uri ng bilis ang dapat panatilihin ng nagpapahayag ng sermon? Epektibo ba kung magsasalita siya nang kasimbilis ng isang machine gun? (Hindi.) Tulad ng isang gurong nagtuturo ng aralin? (Hindi.) Tulad ng isang taong nagtatalumpati? (Hindi.) Hindi talaga maaari. Sa panahon ng sermon, dapat ay may tanungan, may pagkakataon para sa pagninilay-nilay, na magbibigay ng oras sa mga tao para tumugon—angkop ang tempong ito. I-tinranscribe nila ang mga sermon nang hindi nauunawaan ang prinsipyong ito; nagpapakita ba ito ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa? (Oo.) Talagang wala silang espirituwal na pang-unawa. Inisip nilang: “Ang mga bagay na ito na Iyong tinatalakay, narinig ko na ang mga ito. Pagkatapos makinig nang isang beses, natatandaan ko na ang pinakapunto, at alam ko na ang sinasabi Mo. Gamit ang aking karanasan at ang mahuhusay na kasanayang natutuhan ko mula sa madalas na pag-eedit ng mga recording ng sermon, gagawin ko ito sa ganitong paraan at pabibilisin ko ang takbo.” Ang pagpapabilis ay tila hindi masyadong malaking isyu sa sarili nito—subalit ano ang ginagawa nito sa transkripsiyon ng sermon? Nagiging sanaysay ito. Sa sandaling maging sanaysay ito, nawawala ang pakiramdam na nakikinig ka rito nang personal; makakamit ba nito ang parehong epekto? Tiyak na may pagkakaiba. Nakabubuti ba o nakasasama ang pagkakaibang ito? (Nakasasama.) Nakasasama ito. Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay kumikilos sa sarili nilang pagkukusa, at iniisip nila na sila ay matatalino. Naniniwala sila na sila ay edukado, may kasanayan, may likas na talento at matalino, subalit sa huli ay gumagawa sila ng mga di-makatwirang bagay. Hindi ba ganito nga ito? (Oo.) Sa Aking mga sermon, bakit minsan ay nagtatanong Ako sa inyo? Sinasabi ng ilang tao na: “Baka natatakot Kang kami ay makaidlip.” Ganoon ba iyon? Bakit minsan ay nagsasalita Ako tungkol sa ibang mga bagay, lumilihis sa paksa at tumatalakay ng magagaan at masasayang bagay? Ito ay para hayaan kayong ma-relax, para mabigyan kayo ng ilang panahong magnilay-nilay. Hinahayaan din kayo nitong magkaroon ng mas malawak na pang-unawa sa isang aspekto ng katotohanan, para hindi ninyo ilimita ang inyong pang-unawa sa mga salita, literal na kahulugan, mga doktrina, o estrukturang gramatikal—hindi dapat ito limitado sa mga ito. Kaya minsan ay nagsasalita Ako tungkol sa ibang mga bagay; minsan ay nagbibiro Ako para pagaanin ang kapaligiran, subalit sa katunayan ay pangunahin Ko itong ginagawa para makamit ang isang partikular na resulta—dapat ninyo itong maunawaan.

Nakikita mo, kapag nagbibigay ng sermon ang isang relihiyosong pastor, tumatayo siya sa pulpito at nagsasalita lamang tungkol sa nakababagot na mga paksa na walang kahit kaunting kaugnayan sa aktuwal na buhay ng mga tao, sa mental nilang kalagayan, o sa kasalukuyan nilang mga problema. Patay na mga salita at mga doktrina ang lahat ng ito. Wala silang sinasabi kundi ilang magagandang-pakinggang salita at sumisigaw sila ng ilang walang kabuluhang islogan. Nagdudulot ito ng pagkabagot sa mga tagapakinig, at wala silang kapakinabangan mula rito. Sa huli, nagreresulta ito sa isang sitwasyon kung saan ang pastor ay nagsasalita mula sa itaas, at sa ibaba ay walang nagbibigay-pansin; walang anumang interaksiyon. Hindi ba’t nasasayang lang ang pagod ng pastor? Sa ganitong paraan nagbibigay ng mga sermon ang mga pastor para lamang maghanapbuhay, para sa kapakanan ng sarili nilang kabuhayan; hindi nila isinasaalang-alang ang mga pangangailangan ng kanilang kongregasyon. Para sa atin naman ngayon, ang pagbibigay natin ng mga sermon ay hindi tungkol sa pagsasagawa ng isang relihiyosong seremonya o pagkompleto ng isang uri ng gawain—tungkol ito sa pagkamit ng ilang resulta. Para makamit ang mga resulta, dapat isaalang-alang ang lahat ng aspekto—ang mga pangangailangan ng lahat ng uri ng tao, ang kanilang mga kuru-kuro, mga imahinasyon, at mga kalagayan, at ang kanilang mga pananaw ay dapat isaalang-alang lahat. Dapat ding isaalang-alang kung hanggang saan matatanggap ng mga tao mula sa bawat antas ng lipunan ang wikang ginagamit. Ang ilang edukadong tao na medyo mahilig sa pormal na wika ay kailangang makarinig ng ilang salitang pampanitikan na medyo gramatikal at lohikal. Kaya nilang unawain ang mga ito. Mayroon ding ilang ordinaryong tao, iyong mga nasa mabababang antas ng lipunan, na hindi pamilyar sa ganitong pormal na wika; kaya ano ang dapat Kong gawin? Kailangan Kong magsalita ng wikang medyo karaniwan. Noon, hindi Ako masyadong gumagamit ng wikang karaniwan, subalit sa paglipas ng mga taon ay natuto Ako nang kaunti, at ngayon gumagamit pa nga Ako minsan ng mga salawikaing may dalawang bahagi o kaya naman ay nagbibiro. Sa ganitong paraan, pagkatapos makinig, mararamdaman ng lahat na ang lahat ng sinasabi Ko ay madaling maunawaan, anuman ang antas nila sa lipunan, at na ito ay may mas malapit na kaugnayan sa kanila. Subalit kung nasa wikang karaniwan ang lahat ng ito, hindi magtutunog-malalim ang nilalaman ng sermon, kaya dapat itong samahan ng kaunting pormal na wika, lahat ay ipinahahayag sa wika ng pang-araw-araw na buhay; saka lamang nito maaabot ang pinakamababang pamantayan. Kapag nagsimula nang gamitin ang wikang karaniwan, ang pagsasabi ng mga bagay tulad ng “sinasabi lang,” “parang,” “ibig Kong sabihin,” at iba pa, ang pagsasama ng napakaraming gayong ekspresyon ay maaaring makaapekto sa lawak ng pagpapahayag ng katotohanan. Gayumpaman, kung ang lahat ay pormal na wika, lahat ay sinasalita nang napakaayos at napakapormal, sumusunod sa lohikang gramatikal at hakbang-hakbang na pangangatwiran, walang kahit kaunting pagkakamali, na para bang bumibigkas ng sanaysay o nagbabasa ng teksto, na para bang ang lahat ng ito ay naka-iskrip mula simula hanggang katapusan, bawat isang salita, pati na rin ang mga bantas, sa tingin ba ninyo ay gagana iyon? Magiging masyadong nakagugulo iyon, wala Akong lakas para diyan. Isang aspekto ito. Bukod dito, edukado man o hindi edukado, ang lahat ay nagpapakita ng iba’t ibang aspekto ng kanilang pagkatao, at ang mga pagpapahayag na ito ng pagkatao ay nauugnay sa aktuwal na buhay. Ang aktuwal na buhay naman ay hindi maihihiwalay sa wika sa pang-araw-araw na buhay; hindi ito maihihiwalay sa iyong kapaligirang pinamumuhayan. Ang kapaligirang pinamumuhayan na ito ay puno ng ganitong uri ng pang-araw-araw na wika, na may halong kaunting wikang karaniwan, dagdag pa ang ilang simpleng bokabularyo na may bahagyang pampanitikang estilo. Sapat na ito; nasasakop at kasama na nito ang buong saklaw ng pinagtutuunang-pansin. Sila man ay matanda o bata, hindi nakapag-aral o may kaunting kaalaman, sa pinakapayak na anyo ay maaarok ito ng lahat, mauunawaan ito ng lahat; hindi sila makararamdam ng pagkabagot, at hindi nila madaramang hindi nila ito kayang arukin. Ito ang dapat isaalang-alang sa pagbabahagi at paghahatid ng mga sermon, ang pagsasaalang-alang ng lahat ng aspekto ng mga pangangailangan ng mga tao. Para magkamit ng resulta ang isang sermon, dapat mong isaalang-alang ang lahat ng aspektong ito: ang tempo ng pagsasalita, pagpili ng salita, at paraan ng pagpapahayag. Karagdagan pa, kapag nagpapahayag ng isang bagay at nagbabahagi ng isang aspekto ng katotohanan, sa anong punto ito lubusang naiparating? Sa anong punto ito hindi sapat na detalyado? Anong mga aspekto ang dapat idagdag? Ang lahat ng ito ay dapat isaalang-alang. Kung hindi mo man lang isinasaalang-alang ang mga aspektong ito, kulang na kulang ang iyong kakayahang mag-isip. Kung ang iba ay nag-iisip sa dalawang dimensiyon, dapat magawa mong mag-isip sa tatlo. Dapat kang makakita nang mas komprehensibo at mas tumpak kaysa sa iba, dapat kaya mong tingnan nang malinaw ang lahat ng uri ng isyu, at maramdaman din ang mga sangkot na katotohanang prinsipyo. Sa ganitong paraan, ang lahat ng aspekto ng mga tiwaling disposisyon na maiisip, maipahahayag, o maipakikita ng mga tao, gayundin ang mga kalagayang kasangkot, ay nasasaklawan na at mauunawaan ng lahat. Kailangan din bang taglayin ng mga taga-transcribe ang mga kakayahan at paraan ng pag-iisip na ito? Kung hindi nila taglay ang mga ito, at sa halip ay lagi silang umaasa sa kaalamang natutuhan nila para maibuod ang pangunahing punto ng sermon, ang pangunahing ideya nito, ang pinakapunto ng bawat seksiyon, magiging katulad ito ng kung paano pinag-aaralan ng mga estudyanteng Tsino ang mga tekstong pampanitikan. Ipinasisilip muna sa kanila ng guro ang buong teksto, pagkatapos ay ipinababasa ito nang mabuti. Sa unang pormal na aralin, ipinaliliwanag ng guro ang tungkol sa pinakapunto ng unang talata, ipinakikilala ang bagong bokabularyo, at tinatalakay ang gramatikang ginamit. Kapag napag-aralan na ang lahat ng seksiyon, kailangan mo pa ring isaulo ang mga ito, at sa huli ay gumawa ng mga pangungusap gamit ang bagong bokabularyo, at unawain ang sentral na ideya ng teksto at ang layunin ng may-akda sa pagsulat nito. Sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng lubos na pang-unawa sa kung ano ang nais iparating ng teksto. Pinag-aralan ng lahat ang mga bagay na ito, alam ng lahat ang mga ito, pero kung gagamitin mo ang mga bagay na ito sa pagta-transcribe ng sermon, masyado itong payak. Sinasabi Ko sa iyo, kung nagsusulat ka ng isang sanaysay, maaari mong gamitin ang mga ito; simpleng sentido komun lang iyan sa pagsusulat. Pero kung gagamitin mo ang pag-iisip na ito, ang teoryang ito, ang pamamaraang ito sa pagta-transcribe ng sermon, hindi ba’t maaari kang magkamali? Tiyak na magkakamali ka. Hindi mo alam kung bakit gusto Kong sabihin ang kuwentong ito, hindi mo sinusubukang unawain ang katotohanang dapat mong maunawaan mula sa kuwentong ito—isa itong pagkakamali. Gayundin, nauuwaan mo ba ang katotohanan sa kapwa kuwento at nilalaman ng sermon? Kung hindi mo ito maintindihan, kulang ka sa espirituwal na pang-unawa. Ano kayang mga kuwalipikasyon mayroon ang isang taong walang espirituwal na pang-unawa para mag-transcribe ng mga sermon?

Bakit sa tingin ninyong lahat ay nagkukuwento Ako? Hindi alam ng mga taga-transcribe ng mga sermon ang dahilan kung bakit, kaya nagdagdag sila ng sarili nilang mga pananaw. Naniniwala sila na kung gusto Kong magkuwento, dapat angkop ito sa kasunod na nilalaman—hindi nila alam kung bakit nagkukuwento Ako. Hindi ninyo rin alam, hindi ba? Dahil hindi ninyo alam, sasabihin Ko sa inyo ang dahilan. Mula sa simula hanggang ngayon, tinalakay ko ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo nang mga sampung beses, at kalahati pa lamang sa mga ito ang Aking natalakay. Kung tatapusin Ko ang pagsasalita tungkol sa nilalamang ito nang tuloy-tuloy, magiging medyo nakaaantok ang paksa, hindi ba? Kung sasabihin Ko ang tungkol sa bagay-bagay nang deretsahan sa tuwing nagsisimula tayo—unang ipababalik-aral sa lahat kung ano ang tinalakay noong nakaraan, at pagkatapos ay nagsisimulang magsalita, na kayo lahat ay nagmamadaling magtala, nagsusulat at nagsusulat at nagpupumilit na panatilihing bukas ang mga talukap ng inyong mata—at kung pagkatapos ay ipabuod Ko sa lahat kapag natapos na Ako, na kinukusot ng lahat ang kanilang mga mata, binabasa at binibigkas ang nilalamang pinagbahaginan ngayon, at, kapag tila halos naalala na ito ng lahat, sinabi Ko, “Iyan na muna para sa araw na ito, tapusin na natin at ipagpapatuloy natin ang pag-uusap tungkol dito sa susunod,” sa gayon ang lahat ay medyo mababahala: “Ang bawat pagtitipon ay palaging tungkol sa mga bagay na ito, pare-parehong padron; masyadong mahaba at tuyo ang nilalaman.” Higit pa rito, ang pakikipagbahaginan ng katotohanan ay dapat may maraming aspekto, na ang mga tao ay umuunlad sa lahat ng aspekto ng katotohanan nang sabay-sabay. Katulad lang ito sa buhay pagpasok ng tao. Dapat umunlad ang isang tao tungkol sa kaalaman nila sa sarili, pagbabago ng disposisyon, kaalaman sa Diyos, kamalayan sa kanilang iba’t ibang kalagayan, at sa kanilang pagkatao, mga pananaw, at lahat ng iba pang aspekto—ang lahat ng ito ay dapat umunlad nang sabay-sabay. Kung sa panahong ito ay tatalakayin Ko lamang ang pagkilatis sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, maaaring isantabi ng mga tao ang iba pang mga aspekto ng katotohanan, at buong araw na silang mag-iisip: “Sino ang tila isang anticristo? Ako ba ay isang anticristo? Ilan sa kanila ang nasa paligid ko?” Ang paggawa nito ay makaaapekto sa pagpasok nila sa iba pang aspekto ng katotohanan. Kaya, iniisip Ko kung paano maaaring maisama sa nilalaman ng sermon ang isa pang katotohanan, para maunawaan ng mga tao ang karagdagang katotohanan; ibig sabihin, kapag tinatalakay ang paksang “Paglalantad sa mga Anticristo,” magagawa ring maunawaan ng mga tao nang hindi sinasadya ang iba pang aspekto. Mas maganda ang resulta ng gayong sermon, hindi ba? (Oo.) Halimbawa, kapag kumakain ka ng pangunahing pagkain, minsan ay kakain ka ng mansanas kasama nito. Nagbibigay ito ng karagdagang nutrisyon, hindi ba? (Oo.) Sabihin mo sa Akin, kung gayon, kailangan Ko bang magkuwento? (Oo.) Tiyak iyon. Kung hindi naman ito kailangan, bakit Ko sasabihin sa kanila? Ang paggamit ng mga kuwento para talakayin ang ilang magagaan at masasayang paksa ay nagpapahintulot sa mga tao na makakuha at matuto ng kaalaman sa iba pang mga aspekto ng katotohanan. Mabuting bagay ito. Kapag tapos nang talakayin ang magagaang paksang ito, bumabalik Ako sa pangunahing paksa. Ang ganitong pagsasaayos ay angkop. Ano ang kinakain mo bago ang pangunahing putahe? (Isang pampagana.) Ito ay pampagana. Ang mga pampagana ay kadalasang napakasarap at nakapagpapagana, tama ba? Kaya, kapag nagkukuwento Ako, maaari kang makakuha ng isang aspekto ng katotohanan mula sa kuwentong iyon, pinalalalim ang iyong kaalaman o iyong pang-unawa. Mabuti ang lahat ng ito. Siyempre, iyong mga walang espirituwal na pang-unawa ay nakikinig ng mga kuwento at naririnig lamang ang mababaw na bahagi, hindi nila nakikita ang katotohanan sa loob na dapat maunawaan. Wala silang espirituwal na pang-unawa—walang magagawa tungkol dito. Halimbawa, sa pakikinig sa “Ang Kuwento nina Dabao at Xiaobao,” naaalala lang ng ilang tao na masama si Dabao at hangal si Xiaobao. Naaalala nila ang mga pangalan nina Dabao at Xiaobao, subalit hindi nila natatandaan kung sa aling mga pangyayari ibinunyag ng tao sa kuwento ang kaniyang tiwaling disposisyon, anong uri ng disposisyon ang ibinunyag, ano ang ibig sabihin ng disposisyong ito, o ano ang kaugnayan nito sa katotohanan. Sa anong mga sitwasyon mo mismo maibubunyag ang ganitong uri ng disposisyon? Sasabihin mo ba ang ganitong mga salita? Kung sasabihin mo, “Hindi ko sasabihin ang ganitong mga salita,” kung gayon ay nakababahala ito, dahil pinatutunayan nito na hindi mo nauunawaan ang katotohanan. Sinasabi ng ilang tao: “Maaari kong sabihin ang ganitong mga salita kapag nakararanas ako ng partikular na mga sitwasyon, isa itong uri ng disposisyon na lumalabas sa isang partikular na kalagayan.” Kapag nalaman mo na ito, hindi ka nakinig sa kuwentong ito nang walang kabuluhan. Matapos pakinggan ang kuwento, may ilang taong nagsabing: “Anong klaseng tao si Dabao? Inaapi at nililinlang pa niya ang isang maliit na bata. Napakasama niya! Hindi ko lilinlangin ang mga bata nang ganyan.” Hindi ba ito kawalan ng espirituwal na pang-unawa? Pinag-uusapan lang nila ang mismong pangyayari subalit hindi nauunawaan ang katotohanan sa loob ng kuwentong ibinabahagi. Hindi nila maiugnay ang sitwasyon sa kanilang sarili; nagpapakita ito ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa, isang seryosong kawalan ng espirituwal na pang-unawa. Nakararanas ng problemang ito ang mga taga-transcribe ng mga sermon. Sa sandaling ang isang bagay ay may kinalaman sa katotohanan, ibinubunyag ng ilang tao ang mga pananaw ng isang hindi mananampalataya; sa sandaling may kinalaman sa katotohanan, ang ilang tao ay walang espirituwal na pang-unawa; sa sandaling may kinalaman sa katotohanan, ang ilang tao ay nagiging madaling mabaluktot, ang ilan ay nagiging matigas ang ulo, ang ilan ay nagiging buktot, at ang ilan ay nagiging tutol dito. Kaya anong disposisyon mayroon ang mga taga-transcribe ng sermon? Sa pinakamababa, sila ay mayayabang at mga palalo, kumikilos sa sarili nilang pagkukusa, hindi nakauunawa at hindi naghahangad na makaunawa. Hindi man lang sila nagtanong tungkol dito; direkta lang nilang inihiwalay ang mga kuwento sa mga sumunod na nilalaman. Iniisip nilang, “Ibinigay sa akin ang mga sermong ito para i-transcribe, kaya may awtoridad akong gawin ang desisyong ito. Sa isang hampas ng aking palakol, malinis kong puputulin ang mga kuwento. Ganito ko lang itatrato ang mga sermong ibinigay Mo sa akin. Kung hindi Mo ito gusto, huwag akong gamitin.” Hindi ba ito pagiging mayabang at palalo? Hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan, hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Hindi nila alam kung ano ang tungkulin nila o kung ano ang dapat at hindi nila dapat gawin—hindi nila alam ang alinman sa mga bagay na ito. Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay makagagawa lamang ng mga di-makatwirang bagay, di-makatao at walang dangal na mga bagay. Gumagawa lamang din sila ng mga bagay na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, iniisip ang kanilang sarili na matalino at walang pagpapasakop. Ang mga recording ng Aking mga sermon ay ibinigay sa kanila para i-transcribe, at anumang mga opinyon o mga kaisipan mayroon sila tungkol sa kung paano nila ito aasikasuhin, hindi nila Ako tinanong. Hindi ba napakaseryoso ng problemang ito? (Oo.) Seryoso sa anong antas? (May kalikasan itong pakikialam sa mga salita ng Diyos.) Mayroon nga itong bahagyang ganitong kalikasan.

Nagsasalaysay Ako ng kuwento, tinatalakay ang isang partikular na aspekto ng katotohanan, at pagkatapos ay nagbibigay Ako ng mga sermon sa iba pang mga aspekto. Isinasaalang-alang Ko ba kung magkatugma ang dalawang bagay na ito? Kailangan Ko itong isaalang-alang sa simula, subalit bakit hindi Ko iginigiit na kailangang magkatugma ang dalawang aspektong ito? Alam Ko ba ito? (Oo.) Bakit kaya naging problema ito para sa mga taga-transcribe ng sermon? Alam Kong ang kuwentong isinasalaysay Ko ay walang koneksiyon sa sermong kasunod nito. Alam ba nila ito? Hindi nila alam. Hindi man lang nila pinag-isipang mabuti ang bagay na ito. Iniisip nila, “Ginagabayan Ka ng Banal na Espiritu; basta parang totoo sa pandinig, ayos lang. Nagsalaysay Ka ng kuwento noong araw na iyon, at pagkatapos ay tinalakay ang partikular na nilalaman. Anong relasyon mayroon sa pagitan ng dalawang bagay na ito? Bakit nagsasalita sa ganitong paraan? Anong pakinabang ang maaaring makuha pagkatapos magsalita? Wala Kang alam sa alinman sa mga ito. Hindi ito maaari!” Una, kung ano ang Aking sasabihin, paano Ako magsasalita, at anong partikular na nilalaman ang aking tatalakayin—sabihin mo sa Akin, Ako ba ay nasa isang malinaw na kalagayan ng pag-iisip habang nagpapasya sa mga ito? (Oo.) Talagang nasa kalagayan Ako nang malinaw na pag-iisip, tiyak na wala Ako sa isang magulong kalagayan; ang Aking isip ay may malinaw na daloy ng kaisipan. Kung ang isang tao ay walang espirituwal na pang-unawa, hindi alam kung paano hanapin ang katotohanan, at bulag na sinusuri at bulag na ikinakategorya ang mga bagay, iniisip na ito ay medyo mabuti, hindi ba sila ay isang klasikong Pariseo? Gusto lang nilang makinig sa malalaking teoryang walang laman, at ayaw makinig sa totoo at praktikal na mga sermon. Ang resulta ay hindi nila nauunawaan kahit ang pinakamababaw na mga katotohanan. Nagpapakita ito ng seryosong kawalan ng espirituwal na pang-unawa! Kung walang may-takot-sa-Diyos na puso, magiging mayayabang at mapagmagaling ang mga tao, lalong magiging mapangahas; maglalakas-loob silang hatulan ang anumang bagay, sa pag-aakalang nauunawaan nila ang lahat. Tumpak na ganito ang tiwaling sangkatauhan; ito ang kanilang disposisyon. Ang pagiging matapang at pagkilos nang walang ingat ba ay isang mabuting bagay o isang masamang bagay? (Isang masamang bagay.) Ang pagiging matapang o mahiyain ay talagang hindi mahalaga; ang mahalaga ay kung may anumang takot sa Diyos sa puso ng isang tao. Mamaya, kapag makikinig kayo ng recording ng sermon, kilatising mabuti kung tinanggal ang anumang mahahalagang bagay mula sa transkripsiyon. Ang mga kaawa-awang ito na walang espirituwal na pang-unawa, minsan ang mga bagay na kanilang ginagawa ay maaaring hindi sinasadyang magdudulot ng mga kaguluhan at pinsala. Sinasabi nilang hindi ito sinasadya—kung hindi sinasadya, nangangahulugan ba ito na ang disposisyon nila ay hindi tiwaling disposisyon? Tiwaling disposisyon pa rin ito. Sa ngayon, hanggang dito na lang muna ang paksang ito.

Karagdagang Babasahin:

Mga Pangarap ni Xiaogang

Magsisimula uli Ako ngayon sa pagsasabi ng isang kuwento. Interesado ba kayong makinig sa mga kuwento? May makukuha ba kayo mula sa mga kuwento? Nangyayari ang mga bagay-bagay sa mga kuwento, at naglalaman ang mga bagay-bagay na ito ng mga katotohanan. Ang mga tao sa mga kuwento ay nagtataglay ng ilang kalagayan, ilang pagbubunyag, at ilang layunin at mga tiwaling disposisyon. Sa katunayan, umiiral ang mga ito sa lahat, at konektado ang mga ito sa lahat. Kung nauunawaan at nakikilala mo ang mga bagay na ito sa mga kuwento, pinatutunayan nitong mayroon kang espirituwal na pang-unawa. Sinasabi ng ilang tao na: “Sinasabi Mong mayroon akong espirituwal na pang-unawa—ibig sabihin ba niyan na isa akong taong nagmamahal sa katotohanan?” Hindi sa ganoon; dalawang magkaibang bagay ang mga ito. May ilang tao na may espirituwal na pang-unawa subalit hindi nagmamahal sa katotohanan. Nakauunawa lang sila at wala nang iba pa, at hindi nila pinanghahawakan ang katotohanan laban sa kanilang sarili para sa paghahambing o para isagawa ang katotohanan. May espirituwal na pang-unawa ang ilang tao, at pagkatapos makinig sa mga kuwento, natutuklasan nilang may mga katulad silang mga problema at iniisip kung paano makapapasok at kung paano magbabago sa hinaharap—naisakatuparan ng mga taong ito ang mga ninanais na resulta. Kaya ngayon, magpapatuloy Ako sa pagkukuwento. Magaan ang paksa at lahat ay gugustuhing pakinggan ito. Nitong nakaraang dalawang araw, pinag-iisipan Ko kung aling kuwento ang makapapagdudulot sa karamihan ng tao na magkamit ng isang bagay at mapatibay pagkatapos nilang pakinggan ito, at maaaring bukod pa rito ay mas malalim na magtanim ng isang aspekto ng katotohanan sa kanila, gayundin ang bigyan sila ng kakayahang maiugnay ito sa realidad, at makinabang mula rito sa pamamagitan ng pagpasok sa isang aspekto ng katotohanan o pagwawasto sa isang uri ng paglihis. Nakaligtaan Kong bigyan ng pamagat ang huli Kong kuwento, kaya’t bibigyan natin ngayon ng pamagat ang kuwentong iyon. Ano sa tingin ninyo ang dapat itawag dito? (Mga Espesyal na Kaloob.) Tanggalin na ang salitang “espesyal”; tawagin natin itong “Mga Kaloob.” Medyo kakatwang pakinggan ang salitang “espesyal” dito, at pagtutuunan ito ng pansin ng mga tao. May mas hindi malinaw na kahulugan ang “Mga Kaloob.” Kaya, ano ang ikukuwento ko ngayon? Ang kuwento ngayon ay pinamagatang “Mga Pangarap ni Xiaogang.” Ang ibig sabihin ng “Xiao” ay “maliit,” tulad ng alam ninyong lahat, at ano naman ang “Gang”? (“Trabaho.”) Tama. Pagkarinig sa pamagat na ito, dapat ay alam ninyo ang nilalaman ng kuwento—dapat ay malapit na ninyo itong mahulaan. Magsisimula na Ako ngayong magkuwento.

Si Xiaogang ay isang masigasig, palaaral, at masipag na binata, at medyo matalino siya. Gustung-gusto niyang mag-aral, kaya’t natututo siya nang kaunti tungkol sa ilan sa mga sikat na teknolohiya ng kompyuter ngayon, at sa sambahayan ng Diyos, natural siyang itinalaga para gampanan ang kanyang tungkulin sa Grupong Taga-edit ng Bidyo. Nang una siyang sumali sa Grupong Taga-edit ng Bidyo, si Xiaogang ay napakasaya at may pagmamalaki. Dahil bata pa siya at magaling sa partikular na mga teknolohiya, naniniwala siyang ang paggawa ng bidyo ang kanyang espesyalidad at ang kanya ring libangan, at na magagamit niya ang kanyang kadalubhasaan sa pamamagitan ng pagganap ng kanyang tungkulin doon at gayundin ay umunlad sa larangang ito sa pamamagitan ng proseso ng patuloy na pag-aaral. Bukod pa rito, karamihan sa mga taong nakakasalamuha niya rito ay mga kabataan din, at gustung-gusto niya ang kapaligiran dito at nasisiyahan sa tungkuling ito. Kaya, araw-araw siyang abala sa pagtatrabaho at sa pag-aaral nang taimtim. Sa ganitong paraan gumigising nang maaga si Xiaogang para magsimula ng trabaho araw-araw, minsan ay hindi nagpapahinga hanggang kalaliman ng gabi. Nagbabayad ng maraming halaga at nagdaranas ng maraming paghihirap si Xiaogang para sa kanyang tungkulin, at natural na natututo rin siya ng maraming nauugnay na propesyonal na kaalaman; pakiramdam niya ay napaka-produktibo ng bawat araw na ginugugol niya. Madalas ding nagbabahaginan at dumadalo sa mga pagtitipon si Xiaogang kasama ang kanyang mga kapatid, at nararamdaman niya na pagkarating niya rito, mas umunlad pa siya kumpara noong nananalig siya sa Diyos sa kanyang bayan at na lumaki na siya, at maaari nang magtrabaho. Sobrang saya at kuntento niya. Noong una siyang nag-aral ng teknolohiya sa kompyuter, hinangad niyang balang araw ay magtatrabaho siya sa mga kompyuter, at ngayon ay natupad na rin sa wakas ang kanyang kahilingan, kaya’t talagang pinahahalagahan niya ang pagkakataong ito. Lumipas ang ilang panahon, hindi nagbago ang trabaho at posisyon ni Xiaogang. Pinanghahawakan niya ang kanyang trabaho at pinanghahawakan ang responsabilidad at tungkulin niyang ito, at tila mas matatag ang kanyang pag-iisip kaysa dati. Nagkaroon din siya ng pag-unlad sa buhay pagpasok, madalas siyang nagbabahaginan at nagdarasal-nagbabasa ng mga salita ng Diyos kasama ang kanyang mga kapatid sa mga pagtitipon, at ang kanyang interes sa pananalig sa Diyos ay lumalakas nang lumalakas. Masasabi ring unti-unting tumitibay ang pananampalataya ni Xiaogang. Kaya, nagkaroon siya ng isang bagong pangarap: “Maganda kung magiging mas kapaki-pakinabang akong tao habang gumagawa ng gawain sa kompyuter!”

Lumilipas nang ganito ang oras, araw-araw, at patuloy na ginagampanan ni Xiaogang ang parehong tungkulin. Sa isang pagkakataon ay nakapanood siya ng isang pelikula, at pagkatapos ay nagkaroon ito ng malalim na epekto sa kanya. Bakit? Sa pelikula ay may isang binatang kapareho ng edad ni Xiaogang, at hinahangaan niya ang pagganap, pag-arte, at pananalita at asal ng binatang ito sa pelikula, medyo nagseselos din. Pagkatapos panoorin ang pelikula, paminsan-minsan ay naiisip niya: “Maganda kung ako ang binatang iyon sa pelikula. Araw-araw, nasa harap ako ng kompyuter, gumagawa at nag-a-upload ng lahat ng uri ng mga bidyo, at gaano man ako kaabala o kapagod, o gaano ako nagsisikap magtrabaho, isa pa rin lang akong manggagawa sa likod ng kamera. Paano malalaman ng sinuman kung gaano kami kasipag na nagtatrabaho? Kung makalalabas ako sa pinilakang tabing isang araw tulad ng binatang iyon sa pelikula, at mas maraming tao ang makakakita at makakikilala sa akin, maganda iyon!” Paulit-ulit na pinapanood ni Xiaogang ang pelikulang ito, gayundin ang iba’t ibang eksena ng binatang iyon. Habang mas nanonood siya, mas naiinggit siya rito, at mas naghahangad ang kanyang puso, nananabik na maging isang aktor. Kaya, ipinanganak ang bagong pangarap ni Xiaogang. Ano ang bago niyang pangarap? “Gusto kong mag-aral ng pag-arte, at magsikap na maging isang kuwalipikadong aktor, lumabas sa pinilakang tabing, magkaroon ng impresyong tulad nang sa binatang iyon, at magkaroon ng mas maraming taong naiinggit sa akin at nagnanais na maging ako.” Simula noon, nagsimulang magsikap si Xiaogang tungo sa kanyang pangarap. Sa kanyang bakanteng oras, nag-oonline si Xiaogang at tumitingin sa lahat ng uri ng mga materyal tungkol sa pag-arte. Nanonood din siya ng lahat ng uri ng pelikula at palabas sa telebisyon, nanonood at nag-aaral nang sabay, habang nagpapantasya ng tungkol sa pagkakaroon ng pagkakataong maging isang aktor. Lumilipas pa rin isa-isa ang mga araw nang ganito—pinag-aaralan ni Xiaogang ang propesyon ng pag-arte habang pinanghahawakan ang kanyang posisyon. Sa wakas, salamat sa kanyang pagtitiyaga at kasipagan, natutunan ni Xiaogang ang ilang partikular na pundamental ng pag-arte. Natuto siyang gumaya, natuto siyang magsalita at magtanghal sa harap ng iba, at wala siyang kahit katiting na takot sa entablado. Ang paulit-ulit niyang pakikiusap ang sa wakas ay nagbigay sa kanya ng isang pagkakataon: May isang pelikula na nangangailangan ng isang binata para sa papel ng bida. Mula sa awdisyon, napagtanto ng direktor na ang kanyang hitsura, dating, at ang kanyang mga batayang kasanayan sa pag-arte ay umaabot sa pamantayan. Kung magsasanay pa siya nang kaunti, siguradong magagawa niya ito. Pagkarinig sa balitang ito, labis na nagalak si Xiaogang, at iniisip sa kanyang sarili na: “Sa wakas mula sa likod ng kamera ay makikita na ako sa pinilakang tabing—isa pang pangarap ko ang malapit nang matupad!” Pagkatapos ay inilipat si Xiaogang sa Grupong Taga-prodyus ng Pelikula para gampanan ang kanyang tungkulin.

Pagkatapos lumipat ni Xiaogang sa Grupong Tagaprodyus ng Pelikula, nagdala ng kasariwaan at kasiglahan sa kanya ang bagong kapaligiran sa pagtatrabaho. Pakiramdam niya ay lumilipas nang napakasaya ang bawat araw, at na hindi ito walang sigla, matamlay, at mahigpit tulad nang dati, dahil nakatira at nagtatrabaho siya roon, at marami sa mga bagay na nararanasan niya araw-araw ay lubos na naiiba sa kanyang gawain sa kompyuter—nakatira siya sa ibang lugar ng trabaho, sa ibang mundo. Sa ganitong paraan, itinuon ni Xiaogang ang sarili sa gawain ng pagprodyus ng pelikula. Araw-araw ay abala siya sa pag-arte at pag-aaral ng kanyang mga linya, nakikinig sa tagubilin ng direktor at nakikinig sa pagsusuri ng kanyang mga kapatid sa kuwento. Para kay Xiaogang, ang pinakamahirap na bahagi ay ang pumasok sa isang karakter, kaya’t paulit-ulit niyang sinasaulo ang kanyang mga linya at patuloy na iniisip ang kanyang sariling karakter, kung paano siya dapat magsalita at kumilos, kung paano siya dapat lumakad at tumayo, pati na ang kung paano siya dapat umupo, kailangan niyang muling matutunan ang lahat ng bagay na ito. Matapos ipagpatuloy ang komplikado at sari-saring gawaing ito sa loob nang ilang panahon, sa wakas ay napagtanto ni Xiaogang kung gaano kahirap maging isang aktor. Araw-araw ay kailangan niyang isaulo ang parehong mga linya. Minsan ay perpekto niyang nabibigkas ang mga ito, subalit pagdating sa aktuwal na pagtatanghal, palagi siyang nagkakamali at kinakailangang ulitin ang eksena. Madalas siyang napagagalitan ng direktor dahil ang isa sa kanyang mga kilos o linya ay hindi naaayon sa pamantayan. Kung hindi maganda ang ilan sa sunud-sunod niyang pagtatanghal, isasailalim siya sa pagpupungos, at mapapahiya siya, magtitiis ng pagdurusa, at makakaakit pa ng mga kakaibang tingin at panunukso. Nahaharap sa lahat ng ito, medyo pinanghihinaan ng loob si Xiaogang, “Kung alam ko lang na magiging ganito kahirap ang pagiging aktor sa pinilakang tabing, hindi na sana ako pumunta rito, pero ngayon ay medyo nasa mahirap akong sitwasyon. Nandito na ako, kaya’t hindi makatwiran para sa akin na sumuko bago matapos ang paggawa ng pelikula, at walang paraan para sa akin na maipaliwanag ito. Ito ang aking pangarap, dapat ko itong gawing realidad, subalit gaano kahaba ang daan? Kaya ko bang magpatuloy?” Nagsimulang panghinaan ng loob si Xiaogang. Sa mga sumunod na araw, nahihirapan si Xiaogang na kayanin ang kanyang pang-araw-araw na trabaho at buhay. Ang bawat araw ay mas mahirap tiisin kaysa sa nagdaan, subalit dapat pa rin niya itong tiisin at pilitin ang kanyang sarili na magpatuloy. Tulad ng maiisip ng isang tao, sa pagpapatuloy ay tiyak na magkakaroon ng mga problema si Xiaogang sa iba’t ibang aspekto. Sinimulan niyang gawin ang gawaing itinalaga sa kanya nang may labis na pag-aatubili. Kapag sinasabi sa kanya ng direktor kung ano ang gagawin, nakikinig siya at iyon na iyon. Pagkatapos, pinagsisikapan niyang gawin ang kanyang makakaya, subalit kung hindi niya kayang gawin ang isang bagay, hindi niya sineseryoso ang kanyang sarili. Ano ang katayuan ni Xiaogang sa sandaling ito? Pinalilipas niya ang bawat araw nang may labis na pag-aatubili, napakanegatibo, at napakapasibo, nang hindi talaga tinatanggap sa kanyang puso ang taimtim na paggabay at tulong ng direktor o ng kanyang mga kapatid. Naniniwala siya, “Ganito na lang talaga ako, walang lugar sa pagpapabuti. Pinipilit ninyo ako nang higit sa aking mga kakayahan. Kung kaya nating isapelikula ito, gawin natin ito; kung hindi natin kaya, kalimutan na lang natin ito. Babalik ako sa aking Grupong Taga-edit ng Bidyo para gawin ang aking tungkulin.” Naiisip niya kung gaano kaganda ang magtrabaho sa Grupong Taga-edit ng Bidyo, nakaupo sa harap ng kompyuter araw-araw. Napakakomportable at nakapadali nito; napakasaya niya! Ang kanyang buong sarili at ang kanyang buong mundo ay nasa pagtipang lahat ng isang keybord, makukuha niya ang anumang gustuhin niya sa pagpapagana lang ng isang espesyal na epekto. Labis na kaakit-akit ang birtuwal na mundong iyon kay Xiaogang. Sa sandaling ito, mas lalong nangungulila si Xiaogang sa kanyang nakaraan at sa oras na ginugol niya sa pagganap ng kanyang tungkulin sa Grupong Taga-edit ng Bidyo. Ganito lumipas ang mga araw, pagkatapos isang gabi, hindi makatulog si Xiaogang. Bakit hindi siya makatulog? Iniisip niya sa sarili niya: “Para ba sa akin ang pagiging isang aktor? Kung hindi ako para rito, dapat bumalik ako sa Grupong Taga-edit ng Bidyo ngayon na. Magaan at madali ang tungkulin sa Grupong Taga-edit ng Bidyo, umuupo lang ako sa harap ng kompyuter at kalahati na ng araw ang lumipas, at hindi ko kailangang magluto ng sarili kong pagkain. Hindi nakapapagod ang tungkuling iyon, lahat ay posible sa pagtipa ng aking keybord, ang mayroon lang ay ang hindi maiisip, walang imposible. Sa panahon ngayon, bilang isang aktor, kailangan kong matutunan ang aking mga linya araw-araw at bigkasin ang mga ito nang paulit-ulit. Subalit hindi pa rin naaayon sa pamantayan ang aking pagganap, madalas akong pinagagalitan ng direktor, at madalas akong pinupuna ng aking mga kapatid. Masyadong nakapapagod ang paggawa sa tungkuling ito, mas mabuting magtrabaho sa Grupong Taga-edit ng Bidyo!” Habang mas iniisip niya ito, mas nangungulila siya para rito. Nagpapaikot-ikot at nagpapapalit-palit siya ng posisyon sa kalahati ng gabi, hindi makatulog, at nakakatulog lang sa huling kalahati ng gabi kapag masyado na siyang pagod para manatiling gising. Kapag iminumulat ni Xiaogang ang kanyang mga mata kinaumagahan, ang unang iniisip niya ay: “Sa huli, dapat ba akong umalis o hindi? Dapat ba akong bumalik sa Grupong Taga-edit ng Bidyo? Kung mananatili ako rito, hindi ko alam kung maituturing man lang na naaayon sa pamantayan ang pelikula pagkatapos namin itong kuhanan, at sino ang nakakaalam kung gaanong paghihirap ang dapat kong tiisin pansamantala. Hindi lang para sa akin ang pagiging isang aktor! Noon, dala lang ng panandaliang kagustuhan at kapritso na ginusto kong maging aktor, naguluhan talaga ako! Tingnan mo, gumawa ako ng isang maling galaw at ngayon napakahirap nang kontrolin ang mga bagay-bagay, at wala akong makakausap tungkol sa paghihirap na ito. Batay sa kasalukuyan kong sitwasyon, tila hindi magiging madali para sa akin ang maging isang mahusay na aktor, kaya’t dapat na akong sumuko sa lalong madaling panahon. Sasabihin ko kaagad sa direktor na babalik ako, para hindi ako makaantala ng mga bagay-bagay sa kanila.” Pagkatapos, naglakas-loob si Xiaogang na sabihin ito sa direktor: “Tingnan mo, hindi para sa akin ang pagiging isang aktor, subalit kailangan ninyo lang akong piliin—bakit hindi ninyo na lang ako hayaang bumalik sa Grupong Taga-edit ng Bidyo?” Sinabi ng direktor: “Hindi maaari, kalahati na ng pelikulang ito ang nakuhanan natin. Kung magpapalit tayo ng mga aktor, maaabala niyon ang ating trabaho, hindi ba?” Nagpumilit si Xiaogang at nagsabi: “Ano ngayon? Palitan ninyo ako ng sinumang gusto ninyo, wala itong kinalaman sa akin. Ano’t anuman, dapat ninyo akong pakawalan. Kung hindi ninyo ako pakakawalan, hindi ako magsisikap sa pag-arte!” Nakita ng direktor na mapilit si Xiaogang na umalis at na hindi nila matatapos ang paggawa ng pelikula, kaya’t pinayagan niya siyang umalis.

Bumalik sa wakas si Xiaogang sa Grupong Taga-edit ng Bidyo mula sa Grupong Taga-prodyus ng Pelikula. Bumalik siya sa dati niyang pinagtatrabahuhan na alam na alam niya. Hinaplos niya ang kanyang upuan at ang kanyang kompyuter, at pamilyar ang pakiramdam ng mga ito. Mas gusto niya ang lugar na ito. Pumunta siya at umupo; malambot ang upuan at handa na ang kompyuter. “Mas mabuti ang paggawa ng mga bidyo, hindi nakakapagod ang tungkuling ito. May mga kalamangan ang pagtatrabaho sa likod ng kamera, walang nakakaalam kung nagkakamali ka, at walang namimintas sa iyo, itinatama mo lang iyon kaagad-agad at tapos na iyon.” Sa wakas ay natuklasan ni Xiaogang ang mga kalamangan ng pagiging isang manggagawa sa likod ng kamera. Ano ang kanyang damdamin sa sandaling ito? Nakararamdam siya ng labis na kaginhawahan at kasiyahan, at naiisip na: “Tama ang pinili ko. Binigyan ako ng Diyos ng isang pagkakataon at pinayagan akong makabalik sa trabahong ito. Ikinararangal kong magkaroon ng ganitong pribilehiyo!” Natutuwa siyang sa wakas ay tama ang pinili niya. Sa mga sumunod na araw, ginagawa ni Xiaogang ang mga pang-araw-araw na gawain ng Grupong Taga-edit ng Bidyo. Walang espesyal na nangyayari sa panahong ito, at pinalilipas ni Xiaogang ang bawat araw sa ordinaryong paraan.

Isang araw, habang tinatrabaho ang isang bidyo, biglang natuklasan ni Xiaogang sa isang programa ng sayaw ang isang nakakatawa at sopistikadong binata na napakahusay magtanghal. Iniisip niya: “Kaedad ko lang siya; paanong marunong siyang sumayaw at ako ay hindi?” Dahil dito, muling natukso si Xiaogang. Anong ideya ang naiisip niya? (Pagsasayaw.) Nagkaroon ng ideya si Xiaogang na mag-aral ng pagsasayaw. Paulit-ulit niyang pinapanood ang sipi ng bidyong ito at ang pagtatanghal ng binata. Pagkatapos ay nagtanong-tanong siya tungkol sa kung saan mag-aaral ng pagsasayaw, paano ito matututunan, at kung ano ang mga pinakapangunahing sayaw. Ginagamit niya rin madalas ang kaginhawahan ng pagiging nasa trabaho para maghanap sa kanyang kompyuter ng mga materyales sa pagtuturo, mga bidyo, at mga sanggunian sa pag-aaral na may kinalaman sa pagsasayaw. Siyempre, habang naghahanap, hindi lang tumitingin si Xiaogang, natututo rin siya sa pamamagitan ng pag-eensayo. Para matutong sumayaw, gumigising si Xiaogang nang napakaaga araw-araw at gabing-gabi nang natutulog. Mula sa kanyang napakalimitadong pundasyon ng sayaw-himnastiko, nagsimula siyang pormal na mag-aral ng katutubong sayaw, gumigising nang maaga araw-araw upang mag-inat at yumuko patalikod. Sa proseso ng pag-aaral, nagtitiis ng maraming pisikal na sakit, at gumugugol ng maraming oras niya si Xiaogang, sa wakas ay nagkakaroon ng ilang maliit na bunga. Pakiramdam ni Xiaogang ay dumating na sa wakas ang kanyang pagkakataon, na makasasayaw siya sa entablado dahil naniniwala siyang medyo mas malambot na ang kanyang katawan at kaya niyang gumawa ng ilang galaw sa pagsayaw. Gayundin, sa pamamagitan ng panggagaya at pag-aaral, halos nakabisado na niya ang ilan sa mga ritmo kapag pinatutugtog niya ang musika. Sa mga sitwasyong ito, pakiramdam ni Xiaogang na oras na para mag-aplay sa iglesia para baguhin ang kanyang tungkulin. Muli, pagkatapos ng paulit-ulit na pakikiusap, sa wakas ay natupad na ang kahilingan ni Xiaogang at sumali siya sa Grupo ng Sayaw para maging isang mananayaw. Mula noon, tulad ng iba pang mga mananayaw, gumigising nang maaga si Xiaogang para sa pagsasanay sa umaga at ine-ensayo ang programa ng sayaw, at regular na dumadalo sa mga pagtitipon, nagbabahaginan, at kinikilatis at pinaplano ang programa ng sayaw kasama ang mga taong ito. Ginagawa niya lang ang gawaing ito araw-araw, at kapag natapos na ang araw, sobra ang pagod niya na namamaga ang kanyang likod at nananakit ang kanyang mga binti. Ganito ang bawat araw, umulan o umaraw. Nang nagsimula siya, puno ng pagkamausisa tungkol sa sayaw si Xiaogang, subalit kapag naunawaan na niya at naging pamilyar na siya sa buhay at iba’t ibang aspekto ng isang mananayaw, pakiramdam ni Xiaogang na ito lang ang mayroon sa pagsasayaw. Sa paulit-ulit na pagsasayaw ng isang galaw, minsan ay napipilipit ang bukung-bukong, minsan ay nababatak ang likuran, at may panganib ng pinsala. Habang sumasayaw siya, iniisip niya, “Naku, mahirap ding magtrabaho bilang isang mananayaw. Araw-araw ay masyado kong pinapagod ang aking sarili na nangangamoy-pawis ang aking buong katawan. Hindi iyon ganoon kadali. Mas mahirap pa ito kaysa sa paggawa ng bidyo! Hindi, kailangan kong magtiyaga!” Sa pagkakataong ito ay hindi siya madaling sumusuko, at nagpupursigi siya hanggang sa tuluyan siyang makarating sa huling ensayo para sa programa sa sayaw, na pagkatapos nito, ang kanilang sayaw ay ipinadala para sa pagsusuri. Sa araw ng pagsusuri, ano ang damdamin ni Xiaogang? Sobrang sabik at puno ng pag-aasam para sa mga resulta ng kanyang pagsisikap na hindi man lang siya kumain ng pananghalian. “Nagsikap siya nang husto, hindi ba?” Sa wakas, nang inilabas na ang mga resulta, hindi pumasa ang kanilang sayaw sa unang hanay ng mga pagsusuri. Parang kidlat na tumama kay Xiaogang ang balita, at ang damdamin niya ay bumagsak sa pinakamababang antas. Napaupo siya sa upuan, “Napakahaba ng ginugol namin sa sayaw na ito, at tinatanggihan mo ito sa isang salita lang? May alam ka ba sa pagsasayaw? Sumasayaw kami nang may mga prinsipyo, nagbayad kaming lahat ng halaga, at tinatanggihan mo ang aming sayaw nang ganoon lang?” Pagkatapos ay iniisip niya, “Nasa kamay nila ang desisyon, at kung hindi nila aaprubahan ang aming sayaw, kailangan namin itong muling baguhin. Walang sinumang maaaring pangatwiranan tungkol dito. Wala na tayong iba pang magagawa, kaya magsimula tayo ulit.” Sa araw na tinanggihan ang kanilang sayaw sa unang hanay ng mga pagsusuri, hindi kumain si Xiaogang ng kanyang pananghalian, at pinilit lang niyang kumain nang kaunti sa hapunan. Sa palagay ninyo ba ay nagawa niyang matulog nang gabing iyon? (Hindi siya makatulog.) Hindi na naman siya makatulog, tumatakbo ang kanyang isip, “Bakit hindi ako nagtatagumpay saanman ako pumunta? Hindi ako pinagpala ng Diyos. Ang sayaw na pinagpapaguran namin sa loob ng dalawang buwan ay hindi pumasa sa unang hanay ng mga pagsusuri. Hindi ko alam kung kailan ito papasa sa ikalawang hanay ng mga pagsusuri, at hindi ko alam kung gaano karaming oras ang kakailanganin naming gugulin para mangyari iyon. Kailan ako makakaakyat sa entablado at opisyal na makakapagtanghal? Wala nang pag-asang magiging sentro ako ng atensyon!” Nagpapabalik-balik ang kanyang isip, nagninilay siya nang nagninilay, at nag-iisip, “Mas maganda ang gawain ng pagi-edit ng bidyo. Pupunta lang ako roon at uupo, titipa sa keybord, at lalabas lahat ang mga bulaklak, halaman, at puno. Humuhuni ang mga ibon kapag pinahuhuni ko sila, tumatakbo ang mga kabayo kapag pinapatakbo ko sila, anuman ang gustuhin ko, naroon ito. Subalit sa pagsasayaw, kailangan naming pumasa sa mga pagsusuri, at araw-araw ay sobra kong pinapagod ang aking sarili na nangangamoy-pawis ako. Minsan sa sobrang pagod ko ay hindi ako makakain o makatulog nang maayos, at pagkatapos ay hindi pumasa sa unang hanay ng mga pagsusuri ang aming sayaw. Mahirap din ang tungkuling ito. Hindi ba’t mas mabuti kung babalik ako sa Grupong Taga-edit ng Bidyo para magtrabaho?” Nag-isip siya nang nag-isip, “Subalit masyado iyong kalunos-lunos, bakit nag-aalinlangan ako ulit? Hindi ako dapat nag-iisip nang ganito, matulog ka na!” Nakatulog siya, na naguguluhan. Kinabukasan ay bumangon siya at halos nakalimutan na ang lahat ng tungkol dito, kaya’t nagpatuloy siya sa pagsasayaw at nagpatuloy sa huli nilang ensayo. Pagdating sa araw ng ikalawang hanay ng mga pagsusuri, kinakabahan na naman si Xiaogang. Nagtatanong siya: “Makapapasa ba ang sayaw natin sa pagsusuring ito?” Sinasabi ng lahat: “Sino ang nakakaalam? Kung hindi ito makapapasa, pinatutunayan nitong hindi pa ganoon kahusay ang ating pagsasayaw, at magpapatuloy tayong gawin ito. Kapag nakapasa ito, iyon ay kung kailan opisyal tayong magtatanghal at bibidyuhan ito. Hayaang mangyari ang lahat ng bagay at harapin nang tama ang usaping ito.” Sinasabi ni Xiaogang na: “Hindi, maaari ninyong harapin ito nang tama, subalit wala akong oras para riyan.” Sa wakas, lumabas ang resulta ng ikalawang hanay, at muling hindi pumasa ang kanilang sayaw. Sinabi ni Xiaogang: “Hay, sabi ko na nga ba! Hindi madaling magtagumpay sa linyang ito ng trabaho! Bata tayo, may kaaya-ayang hitsura, at marunong sumayaw. Hindi ba’t kalakasan ang mga ito? Naiinggit sa atin ang mga tagasuring iyon dahil hindi sila marunong sumayaw, kaya’t hindi nila ipapasa ang ating sayaw. Parang hindi ito kailanman papasa, hindi madali ang pagsasayaw, babalik ako.” Noong gabing iyon ay natulog nang napakapayapa si Xiaogang, dahil napagpasyahan niyang mag-impake, umalis, at magpaalam kinabukasan.

Anuman ang kaso, sa wakas ay muling natupad ang kahilingan ni Xiaogang na bumalik sa Grupong Taga-edit ng Bidyo, nakaupong muli sa harap ng kanyang kompyuter. Pinagninilayan niya ang mga pamilyar na damdamin mula sa nakalipas, at iniisip, “Ipinanganak ako para gumawa ng trabaho sa likod ng kamera. Maaari lang akong maging isang hindi kilalang bayani, wala akong tsansang mapunta sa entablado o maging sikat sa buhay na ito. Magpapakabait na lang ako at patuloy na titipa sa keybord. Ito ang aking tungkulin, kaya gagawin ko na lang ang trabahong ito.” Pinirmi niya ang kanyang sarili pagkatapos ng lahat ng pabalik-balik na ito. Ang kanyang pangalawang pangarap ay nasira, at hindi natupad. Si Xiaogang ay isang “masigasig at palaaral” na tao, at isang “masigasig at ambisyosong” tao—sa tingin ninyo ba ay malamang na gustung-gusto niyang umupo sa isang kompyuter at gumawa ng gayong nakapapagod na gawain? Hindi, malamang na hindi niya ito gugustuhin.

Kamakailan, nahumaling si Xiaogang sa pagkanta. Paano siya nagbabago nang napakabilis? Bakit siya nahuhumaling dito, bakit hindi siya makaiwas sa entablado? May isang bagay na nakatago sa kanyang puso. Sa pagkakataong ito ay hindi siya padalus-dalos na nakiusap na baguhin ang kanyang tungkulin; naghahanap lang siya ng mga materyales araw-araw at sinasanay ang kanyang kakayahan ng boses at ang kanyang pagkanta. Madalas siyang nagsasanay hanggang mamaos siya, minsan hanggang sa ni hindi niya kayang makalikha ng tunog. Gayumpaman, hindi pa rin pinanghihinaan ng loob si Xiaogang, dahil sa pagkakataong ito ay nagbago na siya ng estratehiya. Sinasabi niya, “Sa pagkakataong ito, hindi ko maaaring baguhin ang aking tungkulin nang hindi nauunawaan ang aktuwal na sitwasyon. Kailangan ko talagang maging maingat, kung hindi, kukutyain ako ng mga tao. Ano ang iisipin nila sa akin kung palagi kong binabago ang aking tungkulin? Bababa ang tingin nila sa akin. Sa pagkakataong ito kailangan kong patuloy na magsanay hanggang sa tingin ko ay kaya ko nang maging isang bituin sa pag-awit, kasinggaling ng mga mang-aawit sa iglesia, pagkatapos ay magpapatala ako para sa Grupo ng Himno.” Nagsisikap siyang magsanay nang ganito araw-araw, kapwa sa kanyang bakanteng oras at sa trabaho, nagsasanay nang walang kapaguran. Isang araw, habang nagtatrabaho si Xiaogang, bigla siyang sinabihan ng lider ng kanyang grupo: “Xiaogang, anong uri ng trabaho ang ginagawa mo? Kung pabasta-basta ka uli tulad nito at hindi magsisikap sa iyong trabaho, hindi ka na papayagang gawin ang tungkuling ito.” Sinabi ni Xiaogang: “Wala akong ginawang anuman.” Pagkatapos, pinalibutan siya ng lahat, nagsasabing “Xiaogang, ano ang nangyari? Ay, nakagawa ka ng isang napakalaking pagkakamali! Napakaraming beses nang iwinasto ng Itaas ang ganitong uri ng pagkakamali, paanong nagawa mo pa rin ito? Ito ay dahil nagsasanay ka sa pagkanta araw-araw at hindi tumututok sa pag-eedit ng bidyo, kaya palagi kang nagkakamali at naaantala ang mahahalagang bagay. Kung magkakamali kang muli nang ganito, papatalsikin ka ng iglesia. Hindi ka na nito gugustuhin, at tatanggihan ka naming lahat!” Patuloy na nagpaliwanag si Xiaogang: “Hindi ko ito sinasadya, mag-iingat na ako mula ngayon, bigyan ninyo ako ng isa pang pagkakataon. Huwag ninyo akong patalsikin, nagmamakaawa ako sa inyo, huwag ninyo akong patalsikin! O Diyos ko, iligtas Mo ako!” Nang tumawag siya, nakaramdam siya ng isang malaking kamay na tumapik sa kanyang balikat, nagsasabing, “Xiaogang, gumising ka! Gumising ka, Xiaogang!” Ano ang nangyayari? (Nananaginip siya.) Nananaginip siya. Nakapikit ang kanyang mga mata at tulala siya, sumusunggab at kumakamot sa hangin ang kanyang mga kamay. Nagtataka ang lahat kung ano ang nangyari at pagkatapos ay nakita nila si Xiaogang na nakayukong natutulog sa kanyang keybord. Tinapik siya ng isang kapatid, at pagkatapos ng ilang pagtulak ay nagising na rin sa wakas si Xiaogang. Pagkagising niya, sinabi niya: “Naku, anong katatakutan iyon, papatalsikin na ako.” “Para saan?” Iniisip ito ni Xiaogang at nakikitang walang nangyari. Lumalabas na panaginip lang talaga iyon, nagising siya sa takot ng isang panaginip. Iyon ang katapusan ng kuwento, iyon ang “Mga Pangarap ni Xiaogang.”

Anong problema ang tinatalakay sa kuwentong ito? Ang katunayan na madalas na magkasalungat ang mga pangarap at ang realidad. Kadalasan, iniisip ng mga tao na lehitimo ang kanilang mga pangarap, subalit hindi nila alam na hindi talaga magkatulad ang mga pangarap at ang katotohanan. Ang mga pangarap ay paghihinagap mo lang, pansamantalang interes mo lang. Kadalasan, ito ay ang mga kagustuhan, ambisyon, at pagnanais ng mga tao na naging mga layunin ng kanilang mga paghahangad. Ganap na salungat ang mga pangarap ng mga tao sa realidad. Kung masyadong maraming pangarap ang mga tao, anong mga pagkakamali ang madalas nilang magagawa? Kakaligtaan nila ang gawain sa harap nila na dapat nilang ginagawa sa sandaling iyon. Ipagwawalang-bahala nila ang realidad, at isasantabi ang mga tungkuling dapat nilang gampanan, ang gawaing dapat nilang tapusin, at ang mga obligasyon at responsabilidad na dapat nilang tuparin sa panahong iyon. Hindi nila seseryosohin ang mga bagay na ito at patuloy lang nilang susundan ang kanilang mga pangarap, palaging nagmamadali at nagsisikap para matupad ang mga ito, at gumagawa ng maraming walang kabuluhang bagay. Sa ganitong paraan, hindi lang sila mabibigong gampanan ang kanilang mga tungkulin nang maayos, maaari din nilang maantala at maabala ang gawain ng iglesia. Maraming tao ang hindi nakauunawa sa katotohanan o naghahangad sa katotohanan. Paano nila tinatrato ang pagganap ng isang tungkulin? Tinatrato nila ito bilang isang uri ng trabaho, isang uri ng libangan, o isang pamumuhunan ng kanilang interes. Hindi nila ito tinatratong isang misyon o isang gawaing ibinigay ng Diyos, o isang responsabilidad na dapat nilang tuparin. Lalong hindi nila hinahangad na maunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, para magampanan nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin at makumpleto ang atas ng Diyos. Samakatuwid, sa proseso ng pagganap ng kanilang mga tungkulin, may ilang taong umaayaw sa sandaling magtiis sila ng kaunting hirap at gustong tumakas. Kapag nakatatagpo sila ng ilang paghihirap o dumaranas ng ilang balakid, umaatras sila, at gustong muling tumakas. Hindi nila hinahanap ang katotohanan; iniisip lang nilang tumakas. Tulad ng mga pagong, kung may nangyayaring anumang mali, nagtatago lang sila sa kanilang talukab, pagkatapos ay naghihintay hanggang sa matapos ang problema bago sila muling lumitaw. Maraming tao ang ganito. Sa partikular, may ilang tao na, kapag sinabihang akuin ang responsabilidad para sa ilang partikular na trabaho, ay hindi iniisip kung paano nila maiaalay ang kanilang katapatan, o kung paano gagampanan ang tungkuling ito at gagawin ang gawaing ito nang maayos. Sa halip, iniisip nila kung paano makaiiwas sa responsabilidad, kung paano makaiiwas sa pagpupungos, kung paano makaiiwas na pasanin ang anumang responsabilidad, at kung paano lilitaw na walang pinsala kapag may mga nangyayaring problema o pagkakamali. Iniisip muna nila ang kanilang sariling ruta sa pagtakas at kung paano matutugunan ang kanilang mga sariling kagustuhan at interes, hindi kung paano gagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin at iaalay ang kanilang katapatan. Makakamit ba ng mga taong tulad nito ang katotohanan? Hindi sila nagsisikap para sa katotohanan, at hindi nila isinasagawa ang katotohanan pagdating sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Para sa kanila, palaging mas luntian ang damo sa kabilang bakod. Ngayon gusto nilang gawin ito, bukas gusto nilang gawin iyon, at iniisip nilang mas mabuti at mas madali ang mga tungkulin ng lahat ng iba pa kaysa sa kanila. Gayumpaman, hindi sila nagsisikap para sa katotohanan. Hindi nila iniisip kung ano ang mga problema sa mga ideya nilang ito, at hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema. Palaging nakatuon ang isipan nila sa kung kailan matutupad ang sarili nilang mga pangarap, kung sino ang nasa sentro ng atensyon, kung sino ang nakakakuha ng pagkilala mula sa Itaas, kung sino ang nagtatrabaho nang hindi pinupungusan at itinataas ang katungkulan. Puno ng mga ganitong bagay ang kanilang isipan. Matutupad ba ng mga tao na laging nag-iisip tungkol sa mga bagay na ito ang kanilang mga tungkulin nang sapat? Hindi nila ito kailanman maisasakatuparan. Kaya, anong uri ng mga tao ang gumaganap ng kanilang mga tungkulin sa ganitong paraan? Sila ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan? Una, isang bagay ang tiyak: Ang mga taong tulad nito ay hindi naghahangad sa katotohanan. Hinahangad nilang tamasahin ang ilang pagpapala, maging sikat, at maging sentro ng atensyon sa sambahayan ng Diyos, tulad noong nakararaos sila sa lipunan. Pagdating sa diwa, anong uri sila ng mga tao? Sila ay mga hindi mananampalataya. Ginagampanan ng mga hindi mananampalataya ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos tulad nang sa paggawa nila sa labas na mundo. May pakialam sila sa kung sino ang itinataas ng posisyon, sino ang nagiging lider ng pangkat, sino ang nagiging lider ng iglesia, sino ang pinupuri ng lahat para sa kanilang trabaho, sino ang itinaas at binanggit. May pakialam sila sa mga bagay na ito. Katulad lang ito sa isang kumpanya: Sino ang itinataas ng posisyon, sino ang tinataasan ng sahod, sino ang nakatatanggap ng papuri ng lider, at sino ang nagiging pamilyar sa lider—may pakialam ang mga tao sa mga bagay na ito. Kung hinahanap din nila ang mga bagay na ito sa sambahayan ng Diyos, at abala sa mga bagay na ito sa buong araw, hindi ba’t katulad sila ng mga walang pananampalataya? Sa diwa, sila ay mga walang pananampalataya; sila ay mga karaniwang hindi mananampalataya. Anumang tungkulin ang kanilang ginagampanan, magtatrabaho lang sila at kikilos nang pabasta-basta. Anumang sermon ang kanilang naririnig, hindi pa rin nila tinatanggap ang katotohanan, at lalong hindi nila isinasagawa ang katotohanan. Nananalig sila sa Diyos sa loob ng maraming taon nang hindi dumaranas ng anumang pagbabago, at kahit ilang taon nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, hindi nila magagawang ialay ang kanilang katapatan. Wala silang tunay na pananampalataya sa Diyos, wala silang katapatan, sila ay mga hindi mananampalataya.

Natatakot ang ilang tao na magpasan ng responsabilidad habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Kung binibigyan sila ng iglesia ng isang trabahong gagawin, iisipin muna nila kung hinihingi ng trabaho na magpasan sila ng responsabilidad, at kung oo, hindi nila tatanggapin ang trabaho. Ang mga kondisyon nila sa pagganap ng isang tungkulin ay, una, na ito ay dapat na isang maluwag na trabaho; pangalawa, na hindi ito matrabaho o nakapapagod; at pangatlo, na kahit anong gawin nila, wala silang papasaning anumang responsabilidad. Ito lang ang uri ng tungkuling tinatanggap nila. Anong uri ng tao ito? Hindi ba ito isang hindi mapagkakatiwalaang, mapanlinlang na tao? Ayaw nilang pasanin kahit ang pinakamaliit na responsabilidad. Kinatatakutan pa nga nila na mababasag ng mga dahon ang kanilang bungo kapag nahulog ang mga ito mula sa mga puno. Anong tungkulin ang magagampanan ng taong tulad nito? Ano ang pakinabang nila sa sambahayan ng Diyos? Ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay may kinalaman sa gawain ng pakikipaglaban kay Satanas, gayundin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Anong tungkulin ang walang mga kaakibat na responsabilidad? Masasabi ba ninyong may kaakibat na responsabilidad ang pagiging lider? Hindi ba’t mas mabigat ang kanilang mga responsabilidad, at hindi ba’t mas lalo silang dapat na magpasan ng responsabilidad? Nagpapalaganap ka man ng ebanghelyo, nagpapatotoo, gumagawa ng mga bidyo, at iba pa—anuman ang iyong trabaho—hangga’t nauukol ang mga ito sa mga katotohanang prinsipyo, may mga kaakibat itong responsabilidad. Kung walang prinsipyo ang pagganap mo ng iyong tungkulin, makakaapekto ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at kung natatakot kang magpasan ng responsabilidad, hindi mo magagampanan ang anumang tungkulin. Duwag ba ang isang taong natatakot na umako ng responsabilidad sa pagganap ng kanyang tungkulin, o may problema sa kanilang disposisyon? Dapat ay masasabi mo ang pagkakaiba. Ang katunayan ay hindi ito isyu ng karuwagan. Kung kayamanan ang habol ng taong iyon, o gumagawa siya ng isang bagay para sa kanyang sariling interes, paanong siya ay napakatapang? Tatanggapin nila ang anumang panganib. Subalit kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay para sa iglesia, para sa sambahayan ng Diyos, wala silang tinatanggap na anumang panganib. Ang gayong mga tao ay makasarili at ubod ng sama, ang pinakataksil sa lahat. Ang sinumang hindi umaako ng responsabilidad sa pagganap ng isang tungkulin ay walang ni katiting na pagiging totoo sa Diyos, lalong wala siyang katapatan. Anong uri ng tao ang nangangahas na umako ng responsabilidad? Anong uri ng tao ang may tapang na magbuhat ng mabigat na pasanin? Ang sinumang nangunguna at buong tapang na humaharap sa pinakamahalagang sandali sa gawain ng sambahayan ng Diyos, na hindi natatakot na magpasan ng isang mabigat na responsabilidad at magtiis ng matinding paghihirap kapag nakita nila ang gawain na pinakaimportante at pinakamahalaga. Iyon ay isang taong tapat sa Diyos, isang mabuting sundalo ni Cristo. Ito ba ay ang kaso kung saan ang lahat ng natatakot na umako ng responsabilidad sa kanilang tungkulin ay ginagawa iyon dahil hindi sila nakauunawa sa katotohanan? Hindi; isa itong problema sa kanilang pagkatao. Wala silang pagpapahalaga sa katarungan o responsabilidad, sila ay mga taong makasarili at ubod ng sama, hindi tunay na mananampalataya ng Diyos, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Dahil dito, hindi sila maliligtas. Ang mga nananalig sa Diyos ay dapat magbayad ng malaking halaga para makamit ang katotohanan, at makahaharap sila ng maraming balakid sa pagsasagawa nito. Dapat nilang talikuran ang mga bagay-bagay, abandonahin ang kanilang mga makalamang interes, at tiisin ang ilang pagdurusa. Saka lang nila maisasagawa ang katotohanan. Kaya, maisasagawa ba ang katotohanan ng isang taong natatakot na umako sa responsabilidad? Tiyak na hindi niya maisasagawa ang katotohanan, lalong hindi ang makamit ito. Natatakot siyang magsagawa ng katotohanan, na makaranas ng kalugihan sa kanyang mga interes; natatakot siyang mapahiya, sa panghahamak, at sa panghuhusga, at hindi siya nangangahas na magsagawa ng katotohanan. Dahil dito, hindi niya ito makakamit, at gaano karaming taon man siyang nananalig sa Diyos, hindi nila makakamit ang Kanyang kaligtasan. Ang mga kayang gumanap ng isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos ay dapat na mga taong ang pasanin ay ang gawain ng iglesia, na umaako ng responsabilidad, na pinaninindigan ang mga katotohanang prinsipyo, at kayang magdusa at magbayad ng halaga. Kung ang isang tao ay nagkukulang sa mga larangang ito, hindi siya karapat-dapat na gumanap ng isang tungkulin, at hindi niya tinataglay ang mga kondisyon para sa pagganap ng tungkulin. Maraming tao ang natatakot na umako ng responsabilidad sa pagganap ng isang tungkulin. Naipamamalas ang kanilang takot sa tatlong pangunahing paraan. Ang una ay na pinipili nila ang mga tungkulin na hindi nangangailangang umako ng responsabilidad. Kung isinaayos ng isang lider ng iglesia na gumanap sila ng isang tungkulin, itatanong muna nila kung kailangan ba nilang akuin ang responsabilidad para dito: kung oo, hindi nila ito tinatanggap. Kung hindi nito hinihingi sa kanilang akuin ang responsabilidad at managot para dito, tinatanggap nila ito nang may pag-aatubili, subalit kailangan pa ring makita kung nakakapagod o nakakaabala ang trabaho, at sa kabila ng may pag-aatubili nilang pagtanggap sa tungkulin, wala silang motibasyong gampanan ito nang maayos, pinipili pa ring maging pabasta-basta. Ang paglilibang, kawalang trabaho, at kawalang paghihirap sa katawan—ito ang kanilang prinsipyo. Ang pangalawa ay na kapag nakararanas sila ng paghihirap o nakatatagpo ng isang problema, ang una nilang tugon ay ang iulat ito sa isang lider at hayaan ang lider na asikasuhin at lutasin ito, sa pag-asang mapananatili nila ang kanilang kaluwagan. Wala silang pakialam kung paano inaasikaso ng lider ang isyu at hindi nila ito iniisip—hangga’t hindi sila mismo ang responsable rito, lahat ay mabuti para sa kanila. Ang gayong pagganap ba ng tungkulin ay tapat sa Diyos? Tinatawag itong pagpapasa ng responsabilidad, pagpapabaya sa tungkulin, panlilinlang. Salita lang itong lahat; wala silang ginagawang anumang tunay. Sinasabi nila sa kanilang sarili, “Kung ang bagay na ito ay sa akin para ayusin, paano kung magkamali ako? Kapag tinitingnan nila kung sino ang dapat sisihin, hindi ba nila ako haharapin? Hindi ba’t ang responsabilidad para dito ay unang babagsak sa akin?” Ito ang inaalala nila. Subalit naniniwala ka bang sinisiyasat ng Diyos ang lahat? Ang lahat ay nagkakamali. Kung ang isang taong may tamang layunin ay kulang sa karanasan at hindi pa nakapag-asikaso ng ganitong uri ng usapin noon, pero ginawa niya ang kanyang makakaya, nakikita iyon ng Diyos. Dapat kang maniwala na kinikilatis ng Diyos ang lahat ng bagay at ang puso ng tao. Kung hindi man lang ito pinaniniwalaan ng isang tao, hindi ba’t isa siyang hindi mananampalataya? Anong kabuluhan ang mayroon sa pagganap ng gayong tao ng isang tungkulin? Hindi naman talaga mahalaga kung ginagampanan nila o hindi ang tungkuling ito, hindi ba? Natatakot silang umako ng responsabilidad at umiiwas sila sa responsabilidad. Kapag may nangyayari, ang una nilang ginagawa ay hindi ang mag-isip ng paraan para asikasuhin ang problema, sa halip ang unang ginagawa nila ay tumawag at abisuhan ang lider. Siyempre, may ilang taong sinusubukang asikasuhin ang problema sa sarili nila habang inaabisuhan nila ang lider, subalit hindi ito ginagawa ng ibang tao, at ang unang ginagawa nila ay ang tawagin ang lider, at pagkatapos ng tawag, pasibo lang silang naghihintay, naghihintay ng mga tagubilin. Kapag inutusan sila ng lider na gumawa ng isang hakbang, gumagawa sila ng isang hakbang; kung sinabi ng lider na gumawa ng isang bagay, ginagawa nila ito. Kung walang sinasabi o hindi nagbibigay ng tagubilin ang lider, wala silang ginagawa at nagpapaliban lang. Kung walang sinumang nag-uudyok sa kanila o nangangasiwa sa kanila, wala silang ginagawang anumang gawain. Sabihin mo sa Akin, ang gayong tao ba ay gumagawa ng isang tungkulin? Kahit pa nagtatrabaho sila, wala silang katapatan! May isa pang paraan kung paano naipamamalas ng isang tao ang takot na umako sa responsabilidad sa pagganap ng isang tungkulin. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, may ilang taong gumagawa lang ng kaunting mababaw, simpleng gawain, gawaing hindi nangangailangan ng pag-ako sa responsabilidad. Ibinabato nila sa iba ang trabahong may mga kaakibat na paghihirap at pag-ako ng responsabilidad, at kung sakaling may mangyayaring mali, isinisisi nila ito sa mga taong iyon at lumalayo sila sa gulo. Kapag nakikita ng mga lider ng iglesia na iresponsable sila, matiyaga ang mga itong nag-aalok ng tulong, o pinupungusan sila, para magawa nilang umako ng responsabilidad. Subalit ayaw pa rin nila, at iniisip nila, “Mahirap gawin ang tungkuling ito. Kailangan kong managot kapag nagkamali, at maaari pa nga akong mapaalis at matiwalag, at iyon na ang magiging katapusan ko.” Anong klaseng saloobin ito? Kung wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad sa pagganap ng kanilang tungkulin, paano nila magagampanan ang tungkulin nila nang maayos? Ang mga hindi tunay na ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos ay hindi makakayang gampanan nang mabuti ang anumang tungkulin, at iyong mga natatakot na umako ng responsabilidad ay mag-aantala lang sa mga bagay-bagay kapag ginampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Ang gayong mga tao ay hindi mapagkakatiwalaan o maaasahan; ginagampanan lang nila ang kanilang tungkulin para may makain. Dapat bang itiwalag ang mga “pulubi” na tulad nito? Dapat. Hindi gusto ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao. Ito ang tatlong pagpapamalas ng mga taong natatakot na umako ng responsabilidad sa pagganap ng kanilang tungkulin. Ang mga taong natatakot na pasanin ang responsabilidad sa kanilang tungkulin ay ni hindi makakayang abutin man lang ang antas ng isang tapat na trabahador, at hindi karapat-dapat na gumanap ng isang tungkulin. Itinitiwalag ang ilang tao dahil sa ganitong uri ng saloobin sa kanilang tungkulin. Kahit ngayon, maaaring hindi nila alam ang dahilan at nagrereklamo pa rin sila, nagsasabing, “Ginawa ko ang aking tungkulin nang buong sigasig, kaya’t bakit walang awa nila akong pinalayas?” Kahit ngayon, hindi nila nauunawaan. Ang mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay gumugugol ng kanilang buong buhay nang hindi nauunawaan kung bakit sila itiniwalag. Nagdadahilan sila para sa kanilang sarili, at patuloy na ipinagtatanggol ang kanilang sarili, iniisip, “Likas para sa mga tao na protektahan ang kanilang sarili, at dapat nila itong gawin. Sino ba ang hindi dapat nag-iingat sa kanilang sarili nang kaunti? Sino ba ang hindi dapat na nag-iisip para sa kanilang sarili nang kaunti? Sino ang hindi nangangailangang magpanatiling bukas ng isang ruta ng pagtakas para sa kanilang sarili?” Kung pinoprotektahan mo ang iyong sarili sa tuwing may mangyayari sa iyo at nag-iiwan ka para sa iyong sarili ng isang ruta ng pagtakas, isang madayang pamamaraan, isinasagawa mo ba ang katotohanan? Hindi ito pagsasagawa ng katotohanan—pagiging mapanlinlang ito. Gumaganap ka ngayon ng iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Ano ang unang prinsipyo sa pagtupad ng isang tungkulin? Ito ay na kailangan mo munang gampanan ang tungkuling iyon nang buong puso, lubos na pagsikapan, at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ito ay isang katotohanang prinsipyo, isa na dapat mong isagawa. Ang pagprotekta sa sarili sa pamamagitan ng pag-iiwan para sa sarili ng isang ruta ng pagtakas, isang madayang pamamaraan, ay ang prinsipyo ng pagsasagawa na sinusunod ng mga walang mananampalataya, at ang pinakamataas nilang pilosopiya. Ang pagsasaalang-alang sa sarili muna sa lahat ng bagay at ang paglalagay sa sariling interes bago ang lahat, hindi iniisip ang iba, hindi nagkakaroon ng kaugnayan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at mga interes ng iba, iniisip muna ang mga sariling interes at pagkatapos ay nag-iisip ng isang ruta sa pagtakas—hindi ba’t iyon ay kung ano ang isang walang pananampalataya? Ito eksakto ang isang walang pananampalataya. Ang ganitong uri ng tao ay hindi karapat-dapat na gumanap ng isang tungkulin. May ilang tao pa ring tulad ng Xiaogang mula sa kuwento—isa siyang tipikal na halimbawa. Wala silang nagagawang anuman sa praktikal na pamamaraan. Gusto nilang makaiwas sa gulo sa lahat ng kanilang ginagawa. Ayaw nilang makaranas ng kahit kaunting paghihirap o pagkabigo. Kailangang maginhawa ang kanilang laman, dapat na nakakakain at nakatutulog sila sa mga regular na oras, at hindi sila dapat nahahanginan o nabibilad sa araw. Bukod pa rito, hindi sila umaako ng anumang responsabilidad sa kanilang trabaho. Ang ginagawa nila ay dapat isang bagay na gusto nila, isang bagay kung saan sila mahusay, isang bagay na bukal sa loob nilang gawin. Kung hindi nila ginagawa ang gusto nila, wala silang kahit katiting na pagsunod. Palagi silang pabago-bago ng plano at nagdadalawang-isip. Hindi sila kailanman nakatuon sa kanilang ginagawa—palagi silang may isang paa sa loob at isang paa sa labas. Kapag nagdurusa sila, gusto nilang umatras. Hindi nila matiis ang mapungusan. Hindi sila maaasahan sa matataas na hinihingi. Hindi nila kayang magdusa. Ang kanilang ginagawa ay ganap na nakasalalay sa kanilang sariling interes at sa kanilang sariling plano—wala sa kanilang kahit katiting na pagsunod. Kung hindi kayang hanapin ng ganitong uri ng tao ang katotohanan at pagnilayan ang kanilang sarili, mahirap baguhin ang mga pagsasagawa at tiwaling disposisyong ito. Ang pagganap ng isang tungkulin bilang isang mananampalataya ng Diyos ay nangangailangan ng kahit man lang kaunting katapatan. Sa tingin mo ba ay tapat ang mga taong ito? Kapag kinakailangan ng seryosong pagsisikap, naduduwag sila. Wala silang ni katiting na sinseridad. Malaking abala at mahirap itong harapin. Pakiramdam nila ay napakahusay nila, at pakiramdam nila ay nagawan sila ng pagkakamali kahit nang tinanggal o pinungusan sila. Malaking abala kung hindi hinahanap ng mga tao ang katotohanan o pumapasok sa katotohanang realidad. Sapat na iyon para sa paksang ito—pumunta tayo sa pangunahing punto.

Isang Paghihimay Kung Paano Hinihimok ng mga Anticristo ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos

Ang pagbabahaginan ngayon ay nasa ikawalong aytem ng iba’t ibang paraan kung saan nagpapamalas ang mga anticristo: Hinihimok nila ang iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos. Nauunawaan ba ninyo ang aytem na ito? Isaalang-alang muna ninyo kung aling mga pagpapamalas ng aytem na ito ang kaya ninyong itugma sa kung ano ang inyong nauunawaan. Hinihimok nila ang iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos—madaling maunawaan ang literal na kahulugan, pero sa loob nito ay maraming kalagayan, at iba’t ibang disposisyon na ipinapakita ng ilang uri ng mga tao, o iba’t ibang pag-uugali na ipinapakita ng iba’t ibang disposisyon. Isa itong malaking paksa; kailangan natin itong pagbahaginan mula sa ilan sa mas maliliit nitong katangian. Para ipaliwanag ang aytem na ito ayon sa sa literal na kahulugan nito, kadalasang sinasabi ng mga taong nangangaral ng mga salita at doktrina: “Nangangahulugan ito ng pakikinig sa kanila sa lahat ng bagay—ginagawa nilang makinig sa kanila ang mga tao, kahit na hindi naaayon sa katotohanan ang mga sinasabi nila. Kapag nangangaral sila ng ilang salita at doktrina, ginagawa nilang makinig sa kanila ang iba; kapag nagsasabi sila ng isang parirala, ginagawa nilang makinig dito ang iba. Palagi silang mahilig sa pagbibigay ng mga utos sa iba, sa pagtatalaga ng trabaho sa iba, at sa pamimilit sa ibang pakinggan sila.” Hindi ba’t ganoon ang madalas nilang sabihin kapag nagsasalita sila nang bahagya sa literal na kahulugan nito? Ano pa? “Iniisip nilang tama sila sa lahat ng bagay. Ginagawa nilang makinig sa kanila ang lahat, at ginagawang magpasakop ang mga tao sa sinasabi nila, kahit hindi ito alinsunod sa katotohanan. Itinuturing nila ang sarili nila bilang katotohanan at bilang Diyos, at sa pakikinig sa kanila, nagpapasakop ang mga tao sa katotohanan at sa Diyos. Iyon ang ibig sabihin nito.” Kung kayo ang nagsasalita sa paksang ito, isaalang-alang ninyo kung paano ninyo ito dapat gawin. Kung magsisimula kayo sa inyong nakita o naranasan nang personal, saang elemento kayo magsisimula? Sa sandaling magsalita kami tungkol sa realidad, wala kayong masasabi. Wala rin ba kayong masasabi sa inyong karaniwang pakikipagbahaginan sa mga kapatid? Paano ninyo magagawa nang maayos ang inyong trabaho nang hindi nagsasalita? Magsalita muna kayo nang kaunti tungkol sa ilang kongkretong paraan at pag-uugali ng pagpapamalas na ito. Alin sa mga ito ang nakita o nasaksihan ninyo dati? May anumang ideya ba kayo? (Kapag ginagawa ko ang aking tungkulin, nakakakuha ako ng ilang ideya na medyo malakas, at talagang gusto kong gawin ang mga ito. Sa palagay ko ang mga kaisipan kong ito ay mabuti at tama, at kapag nag-aalinlangan ang iba tungkol sa mga ito, sinasabi kong hindi dapat ipagpaliban ang usapin, na kailangan itong ayusin kaagad. Pagkatapos, sapilitan kong ginagawa ang binabalak ko. Siguro ay gusto ng ibang maghanap, pero ayaw ko silang bigyan ng oras—gusto kong gawin nila ang bagay nang naaayon sa aking mga ideya.) Iyan ay isang kongkretong pagpapamalas. Sino ang magsasabi ng iba pa? (Minsan akong nakikipagbahaginan sa mga kapatid tungkol sa usapin ng pagtataas ng ranggo at pangangalaga sa isang tao. Sa katunayan ay itinakda ko na ang puso ko sa pagtataas ng ranggo ng taong iyon. Pakiramdam ko ay naghanap na ako mula sa Itaas, at walang problema sa pagtataguyod sa kanya. Ilan sa mga kapatid ang hindi pa nakakaunawa sa usapin nang lubos, at hindi ako nagbahagi tungkol sa kung bakit dapat naming itaguyod ang taong iyon, kung ano ang mga prinsipyo, o kung ano ang katotohanan—pilit ko lang sinabi sa kanila ang mga paraan kung saan mabuti ang taong iyon, na ang pagtataguyod sa kanya ay naaayon sa mga prinsipyo. Pinilit ko silang sundin ako, na paniwalaang tama ang bagay na ginagawa ko.) Nagsasalita kayo tungkol sa isang klase ng mga problema, isang klase ng mga kalagayan, na tumutugma sa kabuuan sa aytem na ito. Tila hanggang sa kaunting literal na pang-unawang iyon lang ang inyong pagkaunawa sa katotohanan, kaya kailangan Kong magbahagi tungkol dito. Kung medyo nauunawaan na ninyo ang aytem na ito, lalampasan natin ito at magbabahaginan tungkol sa susunod. Gayumpaman, tila hindi pa natin ito puwedeng gawin, at kailangang magbahaginan tungkol dito gaya nang nakaplano.

Ang ikawalong aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo ay: Hinihimok nila ang iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos. Dito, may ilang pagpapahayag ng diwa ng isang anticristo. Tiyak na hindi ito iisang usapin, iisang parirala, iisang pananaw, o iisang paraan ng pag-aasikaso ng mga bagay-bagay; sa halip, ito ay isang disposisyon. Anong disposisyon ito, kung gayon? Nagpapamalas ito sa maraming paraan. Ang unang paraan ay na ang gayong mga tao ay walang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino. Isa ba iyang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay? (Hindi, isa itong disposisyon.) Tama iyan—ito ay ang pagbubunyag ng isang disposisyon, isa na ang diwa ay pagmamataas at pagmamagaling. Walang kakayahang makipagtulungan ang gayong mga tao sa kahit na kanino. Iyan ang una. Ang pangalawang paraan na nagpapamalas ito ay na mayroon silang pagnanais at ambisyon na kontrolin at lupigin ang mga tao. Iyan ba ay isang disposisyon? (Oo.) Ito ba ay isang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay? (Hindi.) Naiiba ba ito sa mga bagay na sinabi ninyo? Nagsalita kayo tungkol sa iisang pangyayari, iisang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay—hindi diwa ang mga iyon. Hindi ba’t ang pagpapamalas na ito ay mas malala kaysa sa mga bagay na sinabi ninyo? (Oo.) Umaabot ito sa ugat. At ang pangatlong paraan ay ang pagbabawal sa iba na makialam, magtanong, o mangasiwa sa kanila sa anumang gawaing ginagawa nila. Diwa ba iyon? (Oo.) Maraming pag-uugali at paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ang kasama sa bawat isa sa mga diwang ito. Muli, ang diwang ito ay tumutugma sa ikawalong aytem, tama? Ang pang-apat na paraan ay ang pagpapanggap nila bilang pagsasakatawan ng katotohanan kapag nagtamo na sila ng kaunting karanasan at kaalaman, at natuto ng ilang aral, na nangangahulugang kung kaya nilang magbahaginan ng kaunting katotohanan, iniisip nila ang kanilang sarili bilang nagtataglay ng katotohanang realidad, at gustong ipakita sa iba na sila ay taong nagtataglay ng katotohanan—taong nagsasagawa ng katotohanan, nagmamahal sa katotohanan, at may katotohanang realidad. Nagpapanggap sila bilang pagsasakatawan ng katotohanan—hindi ba’t isa itong usaping may seryosong kalikasan? (Oo.) Tumutugma ba ang pagpapamalas na ito sa ikawalong aytem? (Oo.) Oo. Ang ikawalong aytem ay karaniwang naipapamalas sa apat na paraang ito. Bigkasin mo ang mga ito, simula sa una. (Ang unang paraan ay na ang gayong mga tao ay walang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino.) Tumutukoy ang “nang maayos” sa pagkakaroon ng kakayahang makipagtulungan; ang gayong mga tao ay sadyang walang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino. Ginagawa nila ang mga bagay sa sarili nila, solo sa kanilang mga ginagawa; “solo” ang pantukoy na katangian ng unang pagpapamalas. Ngayon, ang pangalawa. (Mayroon silang ambisyon at pagnanais na kontrolin at lupigin ang mga tao.) Ito ba ay isang seryosong pagpapamalas? (Oo.) Buweno, ano ang pantukoy na katangian ng ikalawang pagpapamalas? Ilarawan mo ito sa isang salita. (Buktot.) Ang “buktot” ay isang pang-uri; inilalarawan nito ang kanilang disposisyon. Ang dapat na salita ay “kontrolin.” Ang “kontrolin” ay isang pagkilos, isang uri na nagmumula sa gayong disposisyon. At ang ikatlong pagpapamalas. (Pinagbabawalan nila ang iba na makialam, magtanong, o mangasiwa sa kanila sa anumang gawaing ginagawa nila.) Hindi ba’t iyan ay isang disposisyon na karaniwan sa mga anticristo? (Oo.) Isa itong katangiang disposisyon na natatangi sa mga anticristo. Mayroon bang angkop na salita para ibuod ang pagpapamalas na ito? Oo—“labanan.” Sinuman ang dumating, nilalabanan nila ang mga ito; at kinalilimutan ang tungkol sa kanilang pagtanggap sa pangangasiwa at pagtatanong ng mga kapatid at ng mga ordinaryong tao—hindi man lang nga nila tatanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Hindi ba’t paglaban iyon? (Paglaban iyon.) At ang ikaapat na pagpapamalas. (Nagpapanggap sila bilang pagsasakatawan ng katotohanan kapag nagtamo na sila ng kaunting karanasan at kaalaman, at natuto ng ilang aral.) Ibubuod natin ang isang ito sa isang angkop na salita: “pagpapanggap.” Mas seryoso ang pagpapanggap kaysa pagiging huwad. Ang pundamental, mga katangiang pag-uugali, mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at mga disposisyon na nauugnay sa ikawalong aytem ay matatagpuang lahat sa apat na pagpapamalas na ito. Ang tampok na katangian ng unang pagpapamalas ay “solo.” Hindi sila nakikipagtulungan sa sinuman, kundi gusto nilang kumilos sa sarili nila. Hindi nila pinakikinggan ang sinuman maliban sa sarili nila at sila lang ang gusto nilang pinakikinggan ng iba, walang iba. Ito ang kanilang paraan o walang ibang paraan. Ang tampok na katangian ng pangalawang pagpapamalas ay “kontrol.” Gusto nilang kontrolin ang mga tao, at gagamit sila ng iba’t ibang paraan para kontrolin ka, ang iyong kaisipan, ang iyong mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, ang iyong puso, at ang iyong mga pananaw. Hindi sila nakikipagbahaginan sa katotohanan sa iyo. Hindi nila ipinapaunawa sa iyo ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi nila ipinapaunawa sa iyo ang mga layunin ng Diyos. Gusto ka nilang kontrolin para sa sarili nilang paggamit, para magsasalita ka para sa kanila, at gagawa ng mga bagay para sa kanila, at magtatrabaho para sa kanila, para dadakilain mo sila at magpapatotoo para sa kanila. Gusto ka nilang kontrolin bilang kanilang alipin, kanilang papet. Ang pantukoy na katangian ng ikatlong pagpapamalas ay “labanan,” na nangangahulugang labanan ang lahat—lahat na puwedeng bumubuo sa pagkilatis o pangangasiwa ng, o isang banta sa, kanilang gawain at pananalita, nilalabanan at sinasalungat nila nang malawakan. Ang pantukoy na katangian ng ikaapat na pagpapamalas ay “pagpapanggap”—anong ipinagpapanggap nila? Nagpapanggap sila bilang pagsasakatawan ng katotohanan, ibig sabihin na hinihingi nila sa mga tao na alalahanin kung ano ang sinasabi nila at kung ano ang ginagawa nila, at na itala pa nila ang mga ito sa kanilang mga kuwaderno. Sinasabi nila, “Paano magiging sapat na magtala lang sa kanilang isip? Kailangan mong itala ito sa iyong mga kuwaderno. Wala sa inyong nakakaunawa sa sinasabi ko—napakalalim na bagay nito!” Ano ang turing nila sa kanilang mga salita? Ang katotohanan. Ngayon, mula rito, magbabahagi tayo tungkol sa mga ito nang isa-isa.

I. Isang Paghihimay sa Kawalan ng Kakayahan ng mga Anticristo na Makipagtulungan sa Kahit na Kanino

Ang unang aytem ay na ang mga anticristo ay walang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino. Ito ang unang pagpapamalas ng mga anticristo na nanghihimok sa iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos. Wala silang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino—iyong “kahit na kanino” ay sumasaklaw sa lahat. Ang kanila mang mga personalidad ay kaayon ng iba o hindi, at anuman ang mga pangyayari, hindi lang nila kayang makipagtulungan. Hindi ito kuwestiyon ng isang ordinaryong pagbubunyag ng katiwalian—isa itong problema sa kanilang kalikasan. Sinasabi ng ilan, “May mga partikular na tao na ang mga personalidad ay hindi kaayon sa akin, at hindi ko kayang makipagtulungan sa kanila dahil doon.” Hindi iyon isang simpleng isyu ng mga personalidad, kundi ng isang tiwaling disposisyon. Ang magkaroon ng isang tiwaling disposisyon ay magkaroon ng disposisyon ng isang anticristo, pero hindi ibig sabihin niyon na ang isang tao ay may diwa ng isang anticristo. Kung kaya ng isang taong maghanap ng katotohanan, at kayang sumunod sa sinasabi ng iba, sino man sila, hangga’t naaayon ito sa katotohanan, hindi ba’t magiging madali para sa taong iyon na makamit ang maayos na pakikipagtulungan sa iba? (Oo.) Madali para sa mga taong kayang magpasakop sa katotohanan na makipagtulungan sa iba; ang mga taong hindi kayang magpasakop sa katotohanan ay walang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino. Ang ilang tao, halimbawa, ay medyo mayabang at mapagmagaling. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, at hindi nila kayang makipagtulungan nang maayos sa sinuman. Ngayon, ito ay isang seryosong problema—may kalikasan sila ng anticristo, at hindi nila kayang magpasakop sa katotohanan o sa Diyos. May tiwaling disposisyon ang mga tao: Kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan, magiging madali para sa kanilang maligtas; pero kung sila ay may kalikasan ng isang anticristo at hindi kayang tumanggap ng katotohanan, nasa alanganin sila—hindi magiging madali para sa kanila ang maligtas. Maraming anticristo ang nabunyag dahil pangunahin sa kanilang kawalan ng kakayahang makipagtulungan sa sinuman, palaging kumikilos nang diktatoryal. Iyon ba ay isang pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon, o ito ba ay likas na diwa ng isang anticristo? Ang hindi magawang makipagtulungan sa sinuman—anong problema iyon? Anong kinalaman nito sa paghimok sa iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos? Kung pagbabahaginan natin ang aytem na ito nang malinaw, magagawa mong makita na ang mga may likas na diwa ng isang anticristo ay hindi nagagawang makipagtulungan sa sinuman, na sila ay makikipaghiwalay sa kung kaninuman sila nakikipagtulungan, at na magiging mapait na magkaaway pa nga sila. Sa tingin, maaaring parang may mga katulong at katuwang ang ilang anticristo, pero ang katunayan ay kapag may nangyayari, gaano man katama ang iba, hindi kailanman nakikinig ang mga anticristo sa sasabihin ng mga ito. Ni hindi nila ito isinasaalang-alang, lalong hindi nila tinatalakay o pinagbabahaginan ang tungkol dito. Hindi nila ito pinag-uukulan ng anumang atensyon, na para bang wala roon ang iba. Kapag nakikinig ang mga anticristo sa sasabihin ng iba, wala sa loob lang nila iyong ginagawa o nagpapakitang-tao lang sila para masaksihan ng iba. Pero kapag sa wakas ay dumating ang oras para sa pangwakas na desisyon, ang mga anticristo pa rin ang nasusunod; balewala lang ang mga salita ng iba, talagang walang bisa ang mga iyon. Halimbawa, kapag may dalawang taong nananagot sa isang bagay, at ang isa sa kanila ay may diwa ng isang anticristo, ano ang naipapakita ng taong ito? Anuman ito, siya at siya lamang ang nagpapatakbo ng mga bagay-bagay, ang nagtatanong, ang nag-aayos ng mga bagay-bagay, at ang nakakaisip ng solusyon. At kadalasan, inililingid niya ang mga bagay-bagay sa kanyang kasama. Ano ang turing niya sa kanyang kasama? Hindi bilang kanyang katuwang, kundi palamuti lamang. Sa paningin ng anticristo, hindi lang talaga umiiral ang kapareha niya. Sa tuwing may problema, pinag-iisipan itong mabuti ng anticristo, at sa sandaling napagdesisyunan na niya kung ano ang gagawin, ipinapaalam niya sa lahat na ganito ito dapat gawin, at walang sinumang pinapayagang kuwestyunin ito. Ano ang diwa ng kanyang pakikipagtulungan sa iba? Ang pinakabatayan ay para mapasakanya ang huling salita, hindi kailanman tinatalakay ang mga problema sa sinumang iba pa, inaako ang lahat ng responsabilidad para sa gawain, at ginagawang palamuti lamang ang kanyang mga kapareha. Lagi siyang kumikilos nang mag-isa at hindi nakikipagtulungan kahit kanino. Hinding-hindi niya tinatalakay o binabanggit ang kanyang gawain sa sinumang iba pa, madalas siyang magdesisyon nang mag-isa at humarap sa mga isyu nang mag-isa, at sa maraming bagay, nalalaman lang ng ibang mga tao kung paano natapos o naasikaso ang mga bagay-bagay kapag tapos na iyong gawin. Sinasabi ng ibang mga tao sa kanya, “Kailangang talakayin ang lahat ng problema nang kasama kami. Kailan mo pinangasiwaan ang taong iyon? Paano mo siya pinangasiwaan? Paanong hindi namin nalaman ang tungkol dito?” Hindi siya nagbibigay ng paliwanag ni nagbibigay ng anumang pansin; para sa kanya, wala talagang silbi ang kanyang mga kapareha, at mga palamuti lamang o pampaganda. Kapag may nangyayari, pinag-iisipan niya ito, nagpapasya siya, at kumikilos kung paano niya gusto. Kahit gaano pa karaming tao ang nasa paligid niya, para bang wala roon ang mga taong iyon. Para sa anticristo, wala silang ipinagkaiba sa hangin. Sa ganitong kaso, mayroon bang anumang tunay na aspekto sa kanyang pakikipagtambal sa iba? Wala talaga, iniraraos lang niya ang gawain at nagkukunwari. Sinasabi sa kanya ng iba, “Bakit hindi ka nakikipagbahaginan sa iba kapag may nakakaharap kang problema?” Sumasagot siya ng, “Ano ba ang alam nila? Ako ang lider ng grupo, ako ang siyang magdedesisyon.” Sinasabi naman ng iba, “At bakit hindi ka nakipagbahaginan sa iyong kasama?” Tugon niya, “Sinabi ko sa kanya pero wala siyang opinyon.” Ginagamit niyang mga dahilan ang kawalan ng opinyon ng ibang tao o ang kawalan ng mga ito ng kakayahang mag-isip para sa kanilang sarili upang pagtakpan ang katunayan na umaasta siya na siya mismo ang batas. At hindi ito nasusundan ng bahagya mang pagsisiyasat sa sarili. Magiging imposible para sa ganitong uri ng tao na matanggap ang katotohanan. Isa itong problema sa kalikasan ng anticristo.

Paano ipapaliwanag at isasagawa ang terminong “pakikipagtulungan”? (Pagtalakay sa mga bagay-bagay kapag lumilitaw ang mga ito.) Oo, iyan ay isang paraan ng pagsasagawa nito. Ano pa? (Pagbalanse sa mga kahinaan ng isang tao sa pamamagitan ng mga kalakasan ng ibang tao, pangangasiwa sa isa’t isa.) Ganap na akma iyon; ang pagsasagawa nang ganoon ay pakikipagtulungan nang maayos. Mayroon pa ba? Ang paghingi ng opinyon ng iba kapag nangyayari ang mga bagay-bagay—hindi ba’t iyon ay pakikipagtulungan? (Oo.) Kung ibinabahagi ng isang tao ang kanya, at ng iba ang kanya, at sa huli, sumasama lang sila sa pagbabahagi ng unang tao, bakit magpapabasta-basta? Hindi iyon pakikipagtulungan—hindi ito naaayon sa mga prinsipyo, at hindi ito nagbubunga ng mga resulta ng pakikipagtulungan. Kung salita ka nang salita, tulad ng isang machine gun, at hindi binibigyan ang ibang gustong magsalita ng pagkakataon, at hindi nakikinig sa iba kahit na pagkatapos mo nang sabihin ang lahat ng iyong mga ideya, talakayan ba iyon? Pagbabahaginan ba ito? Paggawa lang iyon ng mga bagay nang pabasta-basta—hindi ito pakikipagtulungan. Ano ang pakikipagtulungan, kung gayon? Ito ay kapag, matapos mong sabihin ang iyong mga ideya at desisyon, ay kaya mong hingin ang mga opinyon at pananaw ng iba, pagkatapos ay pagkukumparahin ang iyo at kanilang mga pahayag at pananaw, nang may ilang taong nagsasagawa ng pagkilatis sa mga ito nang sama-sama, at naghahanap ng mga prinsipyo, sa gayon ay nauuwi sa isang karaniwang pagkaunawa at pagtukoy sa tamang landas ng pagsasagawa. Iyon ang ibig sabihin ng pagtalakay at pakikipagbahaginan—iyon ang ibig sabihin ng “pakikipagtulungan.” Ang ilang tao, bilang mga lider, ay hindi nakauunawa sa ilang usapin, pero hindi ito tinatalakay kasama ang iba hanggang sa maubusan na sila ng mga pagpipilian. Pagkatapos ay sinasabi nila sa grupo, “Hindi ko kayang asikasuhin ang bagay na ito nang awtokratiko; kailangan kong maayos na makipagtulungan sa lahat. Hahayaan ko kayong lahat na ipahayag ang inyong mga opinyon tungkol dito at talakayin ito, para matukoy ang tamang bagay na dapat nating gawin.” Pagkatapos makapagsalita at makapagbigay ng opinyon ang lahat, tinanong nila ang lider kung ano ang palagay niya tungkol dito. Sinabi niya, “Kung ano ang gusto ng lahat ay katulad ng gusto ko—iniisip ko rin ito. Ito ang pinlano kong gawin sa simula pa lang, at sa talakayang ito, garantisado ang pagsang-ayon ng lahat.” Matapat na pahayag ba ito? May bahid ito. Hindi niya talaga nauunawan ang bagay na ito, at may layuning ilihis at linlangin ang mga tao sa kanyang sinasabi—layon nitong pahalagahan siya ng mga tao. Ang paghingi niya ng mga opinyon ng lahat ay pakitang-tao lang, nilalayong sabihin ng lahat na hindi siya diktatoryal o awtokratiko. Para maiwasan ang tatak na iyon, ginagamit niya ang pamamaraang ito para pagtakpan ang mga bagay-bagay. Ang katunayan ay habang nag-uusap ang lahat, hindi talaga siya nakikinig, at hindi talaga isinasapuso ang kanilang sinasabi. At hindi rin siya nagiging taos-puso sa pagpapahintulot sa lahat na magsalita. Sa panlabas, hinahayaan niya ang lahat na magbahaginan at magkaroon ng talakayan, pero sa realidad, hinahayaan niya lang magsalita ang lahat para makahanap ng paraan na naaayon sa kanyang mga sariling layunin. At kapag natukoy na niya ang angkop na paraan para gawin ang bagay na iyon, pipilitin niya ang mga taong tanggapin kung ano ang balak niyang gawin, tama man ito o hindi, at ipapaisip sa lahat na tama ang kanyang paraan, na ito ang nilalayon ng lahat. Sa huli, ipatutupad niya ito sa pamamagitan ng puwersa. Iyan ba ang tinatawag mong pakikipagtulungan? Hindi—ano ang itatawag mo rito? Nagiging diktatoryal siya. Tama man siya o mali, gusto niyang sa kanya ang nag-iisa at huling salita. Bukod dito, kapag may nangyari at hindi niya ito maunawaan, pinapagsalita niya muna ang iba. Kapag natapos na sila, binubuod niya ang kanilang mga pananaw at tumitingin sa mga ito para sa isang pamamaraang gusto niya at sa tingin niya ay angkop, at pinatatanggap ito sa lahat. Nagpapanggap siyang nakikipagtulungan, na ang resulta ay ginagawa pa rin niya ang gusto niya—pero, siya pa rin ang may nag-iisa at huling salita. Naghahanap siya ng mga pagkakamali at naghahanap ng butas sa sinasabi ng lahat, nagbibigay ng komentaryo at nagtatakda ng tono, pagkatapos ay binubuod ang lahat ng ito sa isang kumpleto at tumpak na pahayag, na ginagamit niya sa paggawa niya ng desisyon, ipinapakita sa lahat na mas mataas siya kaysa sa iba. Mula sa labas, tila narinig niya ang mga mensahe ng lahat, at hinahayaan niyang magsalita ang lahat. Gayumpaman, ang katunayan ay siya lang ang gumagawa ng desisyon sa huli. Ang desisyon sa katunayan ay ang mga kabatiran at pananaw ng lahat, na ibinubuod lang niya, ipinapahayag sa isang bahagyang mas kumpleto at tumpak na paraan. Hindi ito nakikita ng ilang tao, at kaya iniisip nilang siya itong nakatataas. Ano ang karakter ng gayong pagkilos sa kanyang bahagi? Hindi ba’t ito ay labis na katusuhan? Binubuod niya ang mga mensahe ng bawat isa at sinasabi ang mga ito bilang kanya, para sambahin at sundin siya ng mga tao; at sa huli, ang lahat ay kumikilos ayon sa kanyang kalooban. Maayos na pakikipagtulungan ba iyon? Ito ay kayabangan at pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, diktadurya—inaangkin niya ang lahat ng kapurihan. Ang gayong mga tao ay hindi matapat, napakaarogante at mapagmagaling, sa pakikipagtulungan sa iba, at makikita iyon ng mga tao, kung bibigyan ng sapat na panahon. Sasabihin ng ilan: “Sinasabi mong wala akong kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino—aba, mayroon akong kapareha! Mahusay siyang nakikipagtulungan sa akin: pumupunta siya kung saan ako pumupunta, ginagawa ang ginagawa ko; pumupunta siya kahit saan ko siya pinapapunta, ginagawa kung ano ang ipinagagawa ko sa kanya, paano ko man ito ipinagagawa sa kanya.” Iyan ba ang ibig sabihin ng pakikipagtulungan? Hindi. Tinatawag iyang pagiging isang alalay. Ginagawa ng isang alalay ang ipinag-uutos mo—pakikipagtulungan ba iyon? Malinaw, sila ay alipores, walang mga ideya o pananaw, lalong walang mga sarili niyang opinyon. At higit pa riyan, ang pag-iisip nila ay sa isang mapagpalugod ng mga tao. Hindi sila maingat sa anumang ginagawa nila, kundi pabasta-bastang gumagawa ng mga bagay-bagay, at hindi nila itinataguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Anong layunin ang maidudulot ng pakikipagtulungang tulad nito? Kung kanino man sila nakapareha, ginagawa lang nila ang ipinag-uutos nito, alipores kailanman. Pinapakinggan nila anuman ang sinasabi ng iba at ginagawa ang anumang ipinagagawa sa kanila ng iba. Hindi iyon pakikipagtulungan. Ano ang pakikipagtulungan? Kailangang magawa ninyong makipagtalakayan ng mga bagay-bagay sa isa’t isa, at maipahayag ang inyong mga pananaw at opinyon; dapat punan at pangasiwaan ninyo ang isa’t isa, at maghanap sa isa’t isa, magtanong sa isa’t isa, at udyukan ang isa’t isa. Iyon ang pakikipagtulungan nang maayos. Sabihin, halimbawa, na inasikaso mo ang isang bagay ayon sa sarili mong kalooban, at may nagsabi, “Mali ang ginawa mo, ganap na labag sa mga prinsipyo. Bakit mo ito inasikaso kung paano mo gusto, nang hindi hinahanap ang katotohanan?” Dito, sasabihin mo, “Tama iyan—natutuwa akong inalerto mo ako! Kung hindi, puwedeng magdulot ito ng kapahamakan!” Iyan ang pag-uudyok sa isa’t isa. Ano, kung gayon, ang pangangasiwa sa isa’t isa? Ang bawat isa ay may tiwaling disposisyon, at puwedeng maging pabasta-basta sa paggawa ng kanilang tungkulin, pinangangalagaan lamang ang sarili nilang katayuan at karangalan, hindi ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Ang gayong mga kalagayan ay naroroon sa bawat tao. Kung nalaman mong may problema ang isang tao, dapat magkaroon ka ng pagkukusang makipagbahaginan sa kanila, paalalahanan sila na gawin ang kanilang tungkulin ayon sa mga prinsipyo, habang hinahayaan itong tumayo bilang isang babala sa iyong sarili. Iyon ay pangangasiwa sa isa’t isa. Ano ang tungkulin ng pangangasiwa sa isa’t isa? Nilalayon nitong pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at iiwas din ang mga tao sa maling landas. Ang pagkikipagtulungan ay may ibang gampanin, bukod sa pag-uudyok sa isa’t isa at pangangasiwa sa isa’t isa: pagtatanong sa isa’t isa. Kapag gusto mong asikasuhin ang isang tao, halimbawa, dapat kang makipagbahaginan at magtanong sa iyong kapareha: “Hindi ko pa nakatatagpo ang ganitong uri ng bagay noon. Hindi ko alam kung paano ito aasikasuhin. Ano ang magandang paraan para asikasuhin ito? Hindi ko ito basta kayang ayusin!” Sinasabi nila, “Inasikaso ko na ang mga ganitong problema dati. Ang konteksto nang panahong iyon ay medyo naiiba kaysa sa kaso ng taong ito; magiging medyo tulad ito sa pagsunod sa panuntunan, kung aasikasuhin natin ito sa parehong paraan. Hindi ko rin alam ang magandang paraan para asikasuhin ito ngayon.” Sinasabi mo, “Mayroon akong ideya na gusto kong marinig mo. Ang taong ito ay tila masama, kung titingnan ang kanilang karakter, pero hindi tayo makatitiyak sa sandaling ito. Makapagtatrabaho sila, gayunman, kaya hayaan silang gawin ito sa ngayon. Kung hindi sila makapagtatrabaho, at patuloy na ginagambala at ginugulo ang mga bagay-bagay, aasikasuhin natin sila kung gayon.” Narinig nila ito at sinabi, “Magandang paraan iyon. Nasa masinop na panig ito at ganap na naaayon sa mga prinsipyo, at hindi ito mapanupil o isang singawan para sa pribadong galit. Ganito natin ito aasikasuhin, kung gayon.” Nagkasundo kayong dalawa sa pamamagitan ng talakayan. Ang gawaing ginawa sa ganoong paraan ay tumatakbo nang maayos. Ipagpalagay na kayong dalawa ay hindi nagtutulungan at hindi nag-uusap tungkol sa mga bagay-bagay, at kapag hindi alam ng iyong kapareha kung paano asikasuhin ang isang bagay, ipapasa niya ito sa iyo, iniisip na, “Asikasuhin mo ito kung paano mo man gustuhin. Kung may mangyayaring mali, magiging responsabilidad mo naman ito, gayumpaman—hindi ko ito ibabahagi sa iyo.” Makikita mong kumikilos ang iyong kapareha mula sa hindi kagustuhang umako ng responsabilidad, pero hindi mo iyon sinasabi sa kanya, kundi kumikilos nang padalos-dalos ayon sa iyong sariling kalooban, iniisip na, “Ayaw mong akuin ang responsabilidad? Gusto mong hayaan akong asikasuhin nito? Sige, aasikasuhin ko ito, kung gayon—patatalsikin ko sila.” Hindi pareho ang iniisip ninyong dalawa; bawat isa ay may kanya-kanyang anggulo—at bilang resulta, ang usapin ay naaasikaso nang pabasta-basta, na paglabag sa mga prinsipyo, at ang isang taong may kakayahang magtrabaho ay arbitraryong pinapaalis. Iyon ba ay maayos na pakikipagtulungan? Ang maayos na pakikipagtulungan ang tanging paraan para magkamit ng mga positibong resulta. Kung ang isang tao ay hindi aako ng responsabilidad at ang isa ay kikilos nang arbitraryo, iyon ay katulad nang sa hindi nila pagtutulungan. Pareho silang kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban. Paano magiging kasiya-siya ang gayong pagganap ng tungkulin ng isang tao?

Kapag may nangyayari sa gitna ng pagtutulungan, kailangan ninyong magtanong sa isa’t isa at pag-usapan ang mga bagay-bagay. Puwede bang magsagawa ang mga anticristo nang ganito? Walang kakayahang makipagtulungan ang mga anticristo sa kahit na kanino; palagi nilang hinihiling na magtakda ng nag-iisang pamumuno. Ang katangian ng pagpapamalas na ito ay “solo.” Bakit ginagamit ang salitang “solo” para ilarawan ito? Dahil bago sila kumilos, hindi sila lumalapit sa Diyos sa panalangin, at hindi rin nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, lalong hindi sila naghahanap ng isang taong makikipagbahaginan at magsasabi sa kanila, “Ito ba ay angkop na landas? Ano ang itinatakda ng mga pagsasaaayos ng gawain? Paano aasikasuhin ang ganitong uri ng bagay?” Hindi nila kailanman pinag-uusapan ang mga bagay-bagay o hinahanap na magkaroon ng isang kasunduan sa kanilang mga katrabaho at kapareha—nag-iisip lang sila ng mga bagay-bagay at nagpapakana sa sarili nila, gumagawa ng mga sarili nilang plano at pagsasaayos. Sa pamamagitan lang ng isang mabilisang pagbasa sa mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos, iniisip nilang naunawaan na nila ang mga ito, at pagkatapos ay bulag nilang isinasaayos ang gawain—at sa oras na malaman ito ng iba, naisaayos na ang gawain. Imposible para sa sinuman ang marinig ang kanilang mga pananaw o sentimyento mula sa sarili nilang bibig nang maaga, dahil hindi nila kailanman ipinapahayag ang mga kinikimkim nilang kaisipan at pananaw sa sinuman. Puwedeng may magtanong na, “Hindi ba’t lahat ng mga lider at manggagawa ay may mga kapareha?” Puwedeng may kapareha sila sa pangalan lang, pero pagdating ng oras para magtrabaho, hindi na sila magkapareha—solo silang nagtatrabaho. Bagamat may mga katuwang ang mga lider at manggagawa, at may katuwang ang lahat ng gumagawa ng anumang tungkulin, naniniwala ang mga anticristo na mahusay ang kanilang kakayahan at mas magaling sila kaysa sa mga ordinaryong tao, kaya hindi karapat-dapat ang mga ordinaryong tao na maging mga katuwang nila, at mas mabababa lahat ang mga ito kumpara sa kanila. Ito ang dahilan kung bakit gusto ng mga anticristo na sila ang nasusunod at ayaw nilang tinatalakay ang mga bagay-bagay sa iba. Iniisip nilang magmumukha silang walang kakayahang walang halaga. Anong uri ng pananaw ito? Anong uri ng disposisyon ito? Isa ba itong mapagmataas na disposisyon? Iniisip nila na ang makipagtulungan at talakayin sa iba ang mga bagay-bagay, ang magtanong sa mga ito at maghanap mula sa mga ito, ay nakakawala ng dignidad at nakakababa ng pagkatao, na ikasisira ng kanilang respeto sa sarili. Kaya, upang maprotektahan ang kanilang respeto sa sarili, hindi nila pinapayagang makita ng iba ang anumang bagay na ginagawa nila, ni hindi nila sinasabi sa iba ang tungkol dito, at lalong hindi nila ito tinatalakay sa mga ito. Iniisip nila na ang makipagtalakayan sa iba ay nagpapakita na wala silang kakayahan; na ang laging paghingi ng mga opinyon ng ibang tao ay nangangahulugang sila ay mangmang at walang kakayahang mag-isip para sa kanilang sarili; na ang magtrabahong kasama ng iba sa pagtapos ng gampanin o pag-aayos ng ilang problema ay pagmumukhain silang walang kuwenta. Hindi ba’t ito ang mayabang at kakatwa nilang pag-iisip? Hindi ba’t ito ang kanilang tiwaling disposisyon? Masyadong halata ang taglay nilang kayabangan at pagmamatuwid sa sarili; ganap na nawalan na sila ng normal na katwiran ng tao, at medyo hindi na matino ang kanilang pag-iisip. Lagi nilang iniisip na may mga abilidad sila, na kaya nilang tapusin ang mga bagay-bagay nang sila lang, at hindi nila kailangang makipagtulungan sa iba. Dahil may gayong mga tiwaling disposisyon sila, hindi nila makamit ang matiwasay na pakikipagtulungan. Naniniwala sila na ang makipagtulungan sa iba ay magpapahina at maghahati-hati ng kanilang kapangyarihan, na kapag may kahati silang iba sa gawain, nababawasan ang sarili nilang kapangyarihan at hindi nila napagpapasyahan ang lahat ng bagay nang sila lang, ibig sabihin ay wala silang totoong kapangyarihan, na para sa kanila ay isang matinding kawalan. Kaya, kahit ano pang mangyari sa kanila, kung naniniwala silang nauunawaan nila at na alam nila ang nararapat na paraan ng pangangasiwa nito, hindi na nila ito tatalakayin pa sa iba, at sila ang magdedesisyon. Mas gugustuhin nilang makagawa ng mga pagkakamali kaysa ipaalam sa ibang tao, mas gugustuhin nilang maging mali kaysa ibahagi ang kapangyarihan sa sinuman, at mas gugustuhin nilang matanggal sa puwesto kaysa hayaan ang ibang tao na makialam sa kanilang gawain. Ganito ang isang anticristo. Mas pipiliin pa nilang pinsalain ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, mas pipiliin pang isugal ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kaysa ibahagi ang kanilang kapangyarihan sa sinuman. Iniisip nila na kapag may ginagawa silang isang bahagi ng gawain o may inaasikasong ilang bagay, hindi ito ang pagganap ng isang tungkulin, bagkus ay isang pagkakataon na makapagpakitang-gilas at mamukod-tangi sa iba, at isang pagkakataon na makagamit ng kapangyarihan. Kaya naman, bagamat sinasabi nilang makikipagtulungan sila nang maayos sa iba at na tatalakayin nila ang mga lumilitaw na isyu nang kasama ang iba, ang totoo, sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi sila handang bitiwan ang kanilang kapangyarihan o katayuan. Iniisip nila na hangga’t nauunawaan nila ang ilang doktrina at may kakayahang gawin ito nang mag-isa, hindi nila kailangang makipagtulungan sa sinuman; iniisip nilang dapat itong isagawa at makumpleto nang mag-isa, at na ito lamang ang dahilan ng kanilang kahusayan. Tama ba ang ganitong pananaw? Hindi nila alam na kapag lumalabag sila sa mga prinsipyo, hindi nila ginagawa ang kanilang mga tungkulin, hindi nila naisasakatuparan ang atas ng Diyos, at na sila ay nagtatrabaho lang. Sa halip na hanapin ang mga katotohanang prinsipyo kapag ginagawa ang kanilang tungkulin, gumagamit sila ng kapangyarihan ayon sa kanilang mga saloobin at layunin, nagpapakitang-gilas, at ipinaparada ang kanilang sarili. Kahit sino pa ang kanilang katuwang o kahit ano pa ang kanilang ginagawa, hindi nila kailanman gustong talakayin ang mga bagay-bagay, gusto nilang palaging kumikilos nang mag-isa, at gusto nilang sila lagi ang nasusunod. Malinaw na pinaglalaruan nila ang kapangyarihan at ginagamit ang kapangyarihan para gawin ang mga bagay-bagay. Lahat ng anticristo ay gustung-gusto ng kapangyarihan, at kapag may katayuan sila, gusto nila ng higit pang kapangyarihan. Kapag may taglay silang kapangyarihan, malamang na gamitin ng mga anticristo ang kanilang katayuan upang makapagpakitang-gilas, at ibida ang kanilang sarili, para tingalain sila ng iba at makamit nila ang kanilang mithiing mamukod-tangi mula sa karamihan. Kaya nahuhumaling ang mga anticristo sa kapangyarihan at katayuan, at hindi nila bibitiwan ang kanilang kapangyarihan kailanman. Anumang tungkulin ang ginagawa nila, anumang mundo ng propesyonal na kaalaman ang saklaw nito, magkukunwari silang alam nila ang tungkol dito, kahit malinaw na hindi nila alam. At kung may isang taong mag-aakusa sa kanila na hindi sila nakauunawa, at nagpapanggap lang, sasabihin nila, “Kahit ngayon ko ito simulang pag-aralan, mas mauunawaan ko ito kaysa sa iyo. Pagtingin lang naman ito sa mga online na mapagkukunan, hindi ba?” Ganito kayabang at kamapagmagaling ang mga anticristo. Tinitingnan nila ang lahat bilang isang simpleng bagay, at mangangahas silang kunin ito nang maramihan at nag-iisa. At bilang resulta, kapag sinusuri ng Itaas ang gawain at tinatanong kung kumusta na ito, sinasabi nilang medyo naaasikaso na ito. Ang katunayan ay nagtatrabaho sila nang solo, hindi tinatalakay ang mga bagay-bagay sa sinuman—sila mismo ang nagdedesisyon sa lahat. Kung tatanungin mo sila, “May mga prinsipyo ba sa paraan ng iyong pagkilos?” Maglalabas sila ng isang buong hanay ng mga teorya para patunayang tama ang kanilang ginagawa at naaayon sa mga prinsipyo. Sa katunayan, baluktot at mali ang kanilang pag-iisip. Hindi pa talaga nila tinatalakay ang mga bagay-bagay sa iba, kundi palaging nasa kanila ang huling salita, sila mismo ang gumagawa ng mga desisyon. Madalas ang mga desisyong ginawa ng isang tao ay tiyak na maglalaman ng mga paglihis, kaya anong disposisyon ito, na iniisip ang kanilang sarili na tama at tumpak? Ito ay isang malinaw na disposisyon ng pagmamataas. Mayroon silang mapagmataas na disposisyon, at iyon ang dahilan kung bakit sila ay diktatoryal—kaya nagwawala sila sa paggawa ng masasamang bagay. Ito ay autokrasya—isang monopolyo. Ito ang disposisyon ng mga anticristo. Hindi sila kailanman handang makipagtulungan sa sinuman, kundi tingin nila ay wala itong kabuluhan, hindi kailangan. Palagi nilang iniisip na mas mahusay sila kaysa sa iba, na walang sinuman ang maihahambing sa kanila. Iyan ang dahilan kung bakit sa puso nila, walang hangarin o kalooban ang mga anticristo na makipagtulungan sa iba. Gusto nilang masunod ang sinasabi nila; gusto nila ng monopolyo. Saka lamang sila nakadarama ng kagalakan—saka lamang nila naipapakita ang kanilang kataasan, ginagawang mapagpasakop ang iba sa kanila at masambahin sa kanila.

May isa pang bahagi nito, na ang mga anticristo ay palaging nagnanais na magkaroon ng ganap na kapangyarihan, na magkaroon ng tangi at huling salita. Ang aspektong ito ng kanilang disposisyon ang nagdudulot din sa kanila na mawalan ng kakayahang makipagtulungan sa iba. Kung tatanungin mo sila kung handa silang makipagtulungan, sasabihin nilang handa sila, pero pagdating ng oras para gawin ito, hindi nila kaya. Ito ang kanilang disposisyon. Bakit hindi nila ito kayang gawin? Kung ang isang anticristo ay, sabihin nating, magiging isang katulong na lider ng grupo, at ibang tao ang lider ng grupo, ang taong iyon na may likas na diwa ng isang anticristo ay magiging lider mula sa pagiging katulong, at ang lider ng grupo ay magiging kanyang katulong. Pagbabaliktarin nila ito. Paano nila ito makakamit? Marami silang pamamaraan. Ang isang elemento ng kanilang pamamaraan ay ang paggamit nila ng mga panahon kapag kumikilos sila sa harap ng mga kapatid—ang mga panahong nakikita sila ng karamihan—para magsalita at kumilos nang marami at magpakitang-gilas, para gawing mataas ang tingin sa kanila ng mga tao at kilalanin silang mas mahusay kaysa sa lider ng grupo, at na nahigitan nila ang lider ng grupo. At sa paglipas ng panahon, sasabihin ng mga kapatid na ang lider ng grupo ay hindi kasinghusay ng katulong na lider ng grupo. Nalulugod ang anticristo na marinig ito; iniisip niya, “Sa wakas, inamin nilang mas magaling ako sa kanya. Naisakatuparan ko ang aking layunin.” Ano ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat gampanan ng isang katulong na lider ng grupo, sa mga normal na sitwasyon? Dapat silang makipagtulungan sa lider ng grupo sa pagsasagawa at pagpapatupad ng gawaing isinaayos ng iglesia, at itaas ang mga bagay-bagay sa lider ng grupo, at udyukan siya, at pangasiwaan siya—at kumilos nang magkasama sa pakikipagtalakayan sa kanya. Dapat gampanan ng lider ng grupo ang tungkulin ng pangunahing lider; dapat siyang suportahan ng katulong na lider ng grupo, at makipagtulungan sa kanya sa pagtingin na ang bawat proyekto sa trabaho ay naaasikasong mabuti. Bukod sa hindi pagsasabotahe sa mga bagay-bagay, ang lahat ay dapat gawin sa pakikipagtulungan sa lider ng grupo, para ang gawaing dapat gawin ay magawa nang maayos. Kung ang mga pagkilos ng lider ng grupo ay lumalabag sa mga prinsipyo, dapat itong itaas ng katulong na lider ng grupo sa kanya at tulungan siya, at itama ang pagkakamali. At sa lahat ng bagay na ginagawa ng lider ng grupo nang tama at maayos, at na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, dapat itong suportahan ng katulong na lider ng grupo at makipagtulungan dito, at gumawa ng todong pagsisikap sa kanyang paglilingkod, at maging kaisa sa puso at isip ng lider ng grupo para magawa nang maayos ang gawain. Kung may mangyaring problema, o kung may makitang problema, dapat pag-usapan nilang dalawa ang paglutas nito. Minsan, may dalawang bagay na dapat gawin nang sabay; kapag napag-usapan na nilang dalawa ang tungkol dito, kailangan nilang asikasuhin nang mabuti ang sarili nilang gawain, nang hiwalay. Iyan ang pagtutulungan—maayos na pagtutulungan. Nakikipagtulungan ba nang ganito ang mga anticristo sa iba? Talagang hindi. Kung ito ay isang anticristo na nagsisilbing katulong na lider ng grupo, pag-iisipan niya kung ano ang dapat gawin para makipagpalitan ng posisyon sa lider ng grupo, para gawing katulong ang lider ng grupo at gawing lider ng grupo ang katulong, at sa gayon ay mamamahala. Inuutusan niya ang lider ng grupo na gawin ito at iyon, ipinapakita sa lahat na mas mahusay siya kaysa sa lider ng grupo, na karapat-dapat siyang maging lider ng grupo. Sa ganitong paraan, tumataas ang kanyang prestihiyo sa iba, at pagkatapos ay natural siyang mapipili bilang lider ng grupo. Sinasadya niyang pagmukhaing hangal at ipahiya ang lider ng grupo, sa gayon ay mamaliitin siya ng iba. Pagkatapos, sa kanyang mga salita, kinukutya at nililibak niya ito, at inilalantad at minamaliit ito. Unti-unti, ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawa ay lumalaki nang lumalaki, at ang mga lugar na mayroon sila sa puso ng mga tao ay nag-iiba nang nag-iiba. Sa gayon ang anticristo ay nagiging lider ng grupo, sa huli—nakuha niya ang mga tao sa kanyang panig. Sa disposisyong tulad nang sa kanya, magagawa ba niyang makipagtulungan nang maayos sa iba? Hindi. Nasaan mang lugar sila, gusto nilang maging pinakaimportante, magkaroon ng monopolyo, hawakan ang kapangyarihan sa sarili niyang kamay. Anuman ang iyong titulo, hepe o katulong, malaki o maliit, ang katayuan at kapangyarihan, ayon sa nakikita niya, ay dapat na sa malao’t madali ay mapasakanya lang. Kung sino man ang gumagawa ng isang tungkulin kasama niya, o gumagawa ng anumang proyekto sa trabaho kasama niya, o kahit nakikipagdebate ng isang isyu sa kanya, nananatili siyang mapag-isa na kumikilos sa sarili niya. Hindi siya nakikipagtulungan sa sinuman. Walang sinuman ang pinahihintulutang magkaroon ng katulad na prestihiyo o titulo gaya nang sa kanya, o ng katulad na kakayahan o reputasyon. Sa sandaling may humigit sa kanya at magbanta sa kanyang katayuan, susubukan niyang baliktarin ang sitwasyon, sa anumang paraang makakaya niya. Tinatalakay ng lahat ang isang usapin, halimbawa, at kapag ang talakayan ay malapit nang magbunga ng isang resulta, mauunawaan niya ito sa isang sulyap at malalaman kung ano ang gagawin. Sasabihin niya, “Napakahirap ba talaga nitong asikasuhin? Kailangan pa ba nito ng gayong talakayan? Wala sa mga sinasabi ninyo ang uubra!” At mag-aalok siya ng isang bagong teorya o matayog na ideya na wala pang nakaisip, sa huli ay pabubulaanan ang mga pananaw ng lahat. Kapag nagawa na niya, magpapaisip ito sa mga tao, “Nasa itaas siya, tama; bakit hindi natin naisip iyon? Mga ignoranteng grupo ng walang silbing tao lang tayo. Hindi maganda iyan—kailangan ka naming mamuno!” Iyan ang resultang gusto ng anticristo; palagi siyang nagpapahayag ng matatayog na ideya, para makilala siya bilang isang natatanging personalidad, at makuha ang pagpapahalaga ng iba. At ano ang impresyon sa kanya ng mga tao sa huli? Na ang kanyang mga ideya ay higit pa sa mga ordinaryong tao, mas mataas kaysa sa mga ordinaryong tao. Gaano kataas? Kung wala siya roon, ang grupo ay hindi makagagawa ng desisyon o makatatapos nang anuman, kaya dapat nilang hintaying dumating siya at may sabihin. Kapag nagawa na niya, hahangaan siya ng lahat, at kung nakalilinlang ang sinasabi niya, sinasabi pa rin ng lahat na siya ay nakatataas. Sa ganito, hindi ba’t inililigaw niya ang mga tao? Kaya, bakit hindi niya kayang makipagtulungan sa sinuman? Pakiramdam niya, “Ang pakikipagtulungan sa mga tao ay paglalagay sa aking sarili sa antas nila. Puwede bang okupahin ng dalawang tigre ang iisang bundok? Puwede lamang magkaroon ng iisang hari ng bundok, at ang paghaharing iyon ay mapupunta sa sinumang makahahawak nito—at isang taong may kakayahang tulad ko ang makagagawa niyon. Hindi kayo lahat gayon katalino; mababa ang inyong kakayahan, at mahina ang inyong loob. At dagdag pa riyan, wala kayong dinaya o nilokong mga tao sa mundo—naloko lang kayo ng iba. Ako lang ang kuwalipikadong maging lider dito!” Sa kanya, ang masasamang bagay ay nagiging mabubuting bagay. Ipinagmamalaki niya ang masasamang bagay niyang ito—hindi ba’t wala iyong kahihiyan? Bakit niya sinasabi ang mga bagay na ito? At ano ang layunin ng pagkilos niya nang ganito, kung gayon? Ito ay para maging lider, para magkaroon ng pangunahing posisyon, gaano man kalaki ang grupo ng mga tao na kinabibilangan niya. Hindi ba’t iyon ang kanyang layunin? (Ito nga.) Kaya, iniisip niya ang bawat paraan para maliitin, hamakin, at kutyain ang lahat, at pagkatapos ay mag-alok ng sarili niyang matatayog na ideya, para kumbinsihin ang lahat at ipagawa sa lahat ang kanyang sinasabi. Pakikipagtulungan ba iyan? Hindi—ano ito? Umaayon ito sa ikawalong aytem, na pinag-uusapan natin: Hinihimok nila ang iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos. Sinasabi ito patungkol sa pakikipagtulungan. Kaya bang gawin ng mga anticristo—anuman ang kanilang ginagawa, sa kanilang wika o sa kanilang mga pamamaraan—ang kanilang tungkulin sa pakikipagtulungan sa iba? (Hindi.) Hindi sila nakikipagtulungan, kundi hinihingi lang na ang iba ay makipagtulungan sa kanilang mga pahayag at pamamaraan. Kaya ba nilang tumanggap ng payo mula sa iba, kung gayon? Tiyak na hindi. Anumang payo ang puwedeng ibigay sa kanila ng iba, wala silang pakialam dito. Hindi sila humihingi ng mga detalye o mga dahilan, ni hindi sila nagtatanong kung paano ba talaga dapat asikasuhin ang mga bagay-bagay, lalong hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo. Ang masama pa, hindi man lang nila Ako tinatanong kapag nasa harap nila Ako—tinatrato nila Akong hangin. Tinatanong Ko sila kung may ilang problema ba sila, at sinasabi nilang wala. Malinaw na hindi nila alam kung ano ang gagawin tungkol sa isang bagay na katatapos lang mangyari, pero hindi nila Ako tinatanong, kahit na naroon Ako sa harap nila. Kaya ba nilang makipagtulungan sa sinuman, kung gayon? Walang sinumang kuwalipikadong maging kapareha nila, alipin at alalay lang nila. Hindi ba’t gayon iyon? Puwedeng may mga kapareha ang ilan sa kanila, pero sa katunayan, ang mga kapareha nilang iyon ay ang kanilang mga paa, na parang mga papet. Sinasabi nila, “Pumunta ka rito,” at ginagawa ng kanilang kapareha; “Pumunta ka roon,” at ginagawa ng kanilang kapareha; alam ng kapareha nila kung ano ang gusto nilang malaman nila, at kung ano ang hindi nila gustong malaman nila, hindi man lang sila nangangahas magtanong. Ang mga bagay ay tulad nang sinasabi nila. Puwedeng may magsabi sa kanila, “Hindi ito magagawa. May ilang bagay na hindi mo mapapamahalaan nang mag-isa. Kailangan mong humanap ng isang taong makikipagtulungan sa iyo, isang taong mangangasiwa sa iyo. Bukod pa rito, may ilang trabahong hindi mo naasikaso nang maayos noong nakaraan. Kailangan mong humanap ng isang taong may kakayahan, na may abilidad na gawin ang gawain, para makipagtulungan sa iyo at tulungan ka—kailangan mong pangalagaan ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos!” Ano ang sasabihin nila riyan? “Kung aalisin mo ang kapareha ko, walang ibang angkop na maging kapareha ko.” Ano itong sinasabi nila? Wala ba silang magiging kapareha, o na hindi nila mahanap ang ganoong klase ng alalay at alipin? Natatakot sila na hindi nila mahahanap ang gayong alipin o alalay, tulad ng isang “kapareha” na ginagawa lang ang kanilang ipinag-uutos. Paano sa inyong palagay dapat lutasin ang hamong ito na binabanggit nila? Puwede ninyong sabihin, “Ah, hindi ka makahanap ng kapareha? Hindi mo na kailangang magtrabaho sa proyektong ito, kung gayon—puwede itong gawin ng sinumang may kapareha.” Hindi ba’t hindi nalutas ang problema? Kung walang sinumang angkop na maging kapareha mo at walang sinumang puwedeng makipagtulungan sa iyo, anong uri ng bagay ka, kung gayon? Isa kang halimaw, isang abnormal na nilalang. Ang mga tunay na may katwiran kahit papaano ay magagawang makipagtulungan sa isang karaniwang tao, maliban kung ang taong iyon ay napakababa ng kakayahan. Hindi iyon uubra. Ang unang bagay na dapat gawin ng mga makatwirang tao ay matutong makipagtulungan sa iba sa paggawa ng kanilang tungkulin. Dapat ay magagawa nilang makipagtulungan sa sinuman, maliban kung ang taong iyon ay mahina ang pag-iisip o isang demonyo, sa gayong kaso ay walang paraan para makipagtulungan sa kanila. Ito ay isang napakahalagang bagay, ang magawang makipagtulungan sa karamihan ng mga tao—tanda ito ng normal na katwiran.

Isa sa mga pinakahalatang katangian ng diwa ng isang anticristo ay sinosolo niya ang kapangyarihan at pinapatakbo ang mga sarili niyang diktadurya: Hindi siya nakikinig sa sinuman, hindi niya iginagalang ang sinuman, at anuman ang mga kalakasan ng mga tao, o anumang tamang pananaw at matalinong opinyon ang ipinapahayag ng mga ito, o anuman ang mga naaangkop na pamamaraan ang inilalatag ng mga ito, hindi niya pinapansin ang mga iyon; ito ay para bang walang sinuman ang kuwalipikadong makipagtulungan sa kanya, o makibahagi sa anumang ginagawa niya. Ito ang uri ng disposisyong mayroon ang mga anticristo. Sinasabi ng ilan na ito ay pagiging masamang uri ng pagkatao—pero paanong ito ay pangkaraniwang masamang uri ng pagkatao? Ito ay ganap na isang satanikong disposisyon; at ang gayong disposisyon ay napakalupit. Bakit Ko sinasabing ang kanilang disposisyon ay napakalupit? Kinakamkam ng mga anticristo ang lahat ng bagay mula sa sambahayan ng Diyos at ang pag-aari ng iglesia, at itinuturing ang mga ito bilang kanilang personal na pag-aari, na lahat ng ito ay sila dapat ang namamahala, at hindi nila pinapayagan ang sinumang makialam dito. Ang mga iniisip lamang nila kapag ginagawa ang gawain ng iglesia ay ang kanilang sariling mga interes, kanilang sariling katayuan, at kanilang sariling pagpapahalaga sa sarili. Hindi nila tinutulutan ang sinuman na pinsalain ang kanilang mga interes, lalo nang hindi nila tinutulutan ang sinumang may kakayahan at nagagawang magsalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan na maging banta sa kanilang reputasyon at katayuan. Kaya naman, sinusubukan nilang supilin at ihiwalay bilang mga katunggali ang mga nagagawang magsalita ng patotoong batay sa karanasan, at kayang magbahagi tungkol sa katotohanan at magtustos para sa mga hinirang na mga tao ng Diyos, at desperado nilang tinatangkang ganap na ibukod ang mga taong iyon mula sa iba, na lubusang dungisan ang pangalan ng mga ito, at pabagsakin ang mga ito. Saka lamang mapapayapa ang mga anticristo. Kung hindi kailanman nagiging negatibo ang mga taong ito, at nagagawang patuloy na gawin ang kanilang tungkulin, nagsasalita ng kanilang patotoo, at sumusuporta sa iba, babaling ang mga anticristo sa huli nilang alas, ang hanapan ng kapintasan ang mga ito at kondenahin ang mga ito, o paratangan ang mga ito at umimbento ng mga dahilan para pahirapan at parusahan ang mga ito, hanggang sa mapaalis ang mga ito sa iglesia. Saka lamang ganap na makakahinga nang maluwag ang mga anticristo. Ito ang pinakamapaminsala at pinakamalisyoso tungkol sa mga anticristo. Ang pinakanagdudulot sa kanila ng takot at pagkabalisa ay ang mga taong naghahangad sa katotohanan at nagtataglay ng tunay na patotoong batay sa karanasan, dahil ang mga taong may gayong patotoo ay ang mga taong pinakasinasang-ayunan at sinusuportahan ng mga hinirang na mga tao ng Diyos, sa halip na ang mga daldal nang daldal nang walang kabuluhan tungkol sa mga salita at doktrina. Ang mga anticristo ay walang tunay na patotoong batay sa karanasan, ni wala silang kakayahang isagawa ang katotohanan; ang pinakakaya nila ay gawin ang ilang mabuting gawa para magpalakas sa mga tao. Ngunit gaano man karaming mabuting gawa ang ginagawa nila o gaano karaming magandang pakinggan na bagay ang sinasabi nila, hindi pa rin ito maikukumpara sa mga pakinabang at bentaheng maaaring idulot sa mga tao ng isang magandang patotoong batay sa karanasan. Walang makakapalit sa mga epekto ng pagtutustos at pagdidilig na naibibigay sa mga hinirang na mga tao ng Diyos ng mga taong nagagawang magsalita tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Kaya nga, kapag nakikita ng mga anticristo ang isang tao na nagsasalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan, nagiging matalim ang tingin nila. Nag-aapoy ang galit sa puso nila, umuusbong ang pagkamuhi, at hindi sila makapaghintay na patahimikin ang nagsasalita at pigilan siyang magsalita pa. Kung patuloy itong magsasalita, lubos na masisira ang reputasyon ng mga anticristo, lubos na malalantad sa lahat ang kanilang pangit na hitsura, kaya humahanap ng dahilan ang mga anticristo para guluhin ang taong nagsasabi ng patotoo, at supilin ito. Pinahihintulutan lamang ng mga anticristo ang kanilang sarili na ilihis ang mga tao gamit ang mga salita at doktrina; at hindi nila pinapayagan ang mga hinirang na mga tao ng Diyos na luwalhatiin ang Diyos sa pamamagitan ng pagsasalita ng kanilang patotoong batay sa karanasan, na nagpapahiwatig kung anong uri ng mga tao ang pinakakinamumuhian at kinatatakutan ng mga anticristo. Kapag napapangibabaw ng isang tao ang kanyang sarili dahil sa isang maliit na gawain, o kapag nagagawa ng isang taong magsalita ng tunay na patotoong batay sa karanasan, at nakakatanggap ng mga pakinabang, napapatibay, at nasusuportahan mula rito ang mga hinirang na mga tao ng Diyos, at nakatatanggap ito ng malaking papuri mula sa lahat, nabubuo ang inggit at poot sa puso ng mga anticristo, at sinusubukan nilang ihiwalay at supilin ang taong ito. Anuman ang sitwasyon, hinding-hindi nila tinutulutan ang gayong mga tao na gumawa ng anumang gawain, upang hindi maging banta ang mga ito sa kanilang katayuan. Napapalutang at nabibigyang-diin ng mga taong may katotohanang prinsipyo ang kahirapan, kasamaan, kapangitan, at kabuktutan ng mga anticristo kapag nasa presensya nila ang mga ito, kaya kapag pumipili ng katuwang o katrabaho ang mga anticristo, hindi ito kailanman pumipili ng isang taong may katotohanang realidad, hindi siya kailanman pumipili ng mga taong kayang magsalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan, at hindi ito kailanman pumipili ng mga taong matapat o mga taong nakapagsasagawa ng katotohanan. Ito ang mga taong pinakakinaiinggitan at kinapopootan ng mga anticristo, at sila ay tinik sa tagiliran ng mga anticristo. Gaano man karami ang ginagawa na mabuti o kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos ng mga taong ito na nagsasagawa sa katotohanan, magsisikap nang husto ang mga anticristo upang takpan ang mga gawa na ito. Babaluktutin pa nila ang mga katunayan upang angkinin ang papuri para sa magagandang bagay habang ipinapasa ang sisi para sa masasamang bagay sa iba, para maitaas nila ang kanilang sarili at maliitin ang iba. Malaki ang inggit at pagkamuhi ng mga anticristo sa mga naghahangad sa katotohanan at nagagawang magsalita tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Natatakot sila na magiging banta ang mga taong ito sa sarili nilang katayuan, kaya nga ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para atakihin at ibukod ang mga ito. Pinagbabawalan nila ang mga kapatid na makipag-ugnayan sa mga ito o lumapit sa mga ito, o suportahan o purihin ang mga taong ito na nagagawang magsalita tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Ito ang pinakanagbubunyag sa satanikong kalikasan ng mga anticristo, na tutol sa katotohanan at namumuhi sa Diyos. Kaya nga, pinatutunayan din nito na ang mga anticristo ay masasamang puwersa na salungat sa iglesia, na sila ang dapat sisihin sa panggugulo sa gawain ng iglesia at paghadlang sa kalooban ng Diyos. Higit pa rito, ang mga anticristo ay madalas na gumagawa ng mga kasinungalingan at binabaluktot ang mga katunayan sa mga kapatid, minamaliit at kinokondena ang mga tao na nakapagsasalita ng kanilang patotoong batay sa karanasan. Anuman ang gawain ng mga taong iyon, naghahanap ang mga anticristo ng mga dahilan para ihiwalay at sugpuin sila, at na mapanghusga sa kanila, sinasabing mayabang at mapagmagaling sila, na gusto nilang magpakitang-gilas, at na nagkikimkim sila ng mga ambisyon. Sa katunayan, ang mga taong ito ay may kaunting patotoong batay sa karanasan at nagtataglay ng kaunting katotohanang realidad. Medyo mabuti ang pagkatao nila, may konsensiya at katwiran, at kayang tumanggap ng katotohanan. At kahit na mayroon silang ilang pagkukulang, kahinaan, at paminsan-minsang pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon, kaya nilang magnilay sa kanilang sarili at magsisi. Ang mga taong ito ang mga ililigtas ng Diyos, at may pag-asa na magagawang perpekto ng Diyos. Sa kabuuan, ang mga taong ito ay angkop sa paggawa ng isang tungkulin. Natutugunan nila ang mga hinihingi at prinsipyo sa paggawa ng isang tungkulin. Ngunit iniisip ng mga anticristo, “Hindi ko talaga matitiis ang ganito. Nais mong magkaroon ng papel sa aking nasasakupan, upang makipagpaligsahan sa akin. Imposible iyon; huwag na huwag kang magtatangka. Mas edukado ka kaysa sa akin, mas matatas magsalita kaysa sa akin, mas sikat kaysa sa akin, at mas masikap mong hinahangad ang katotohanan kaysa sa akin. Kung makikipagtulungan ako sa iyo at inagaw mo ang atensyon mula sa akin, ano na lang ang gagawin ko?” Isinasaalang-alang ba nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi. Ano ang iniisip nila? Iniisip lamang nila kung paano kakapit sa sarili nilang katayuan. Kahit alam ng mga anticristo na hindi nila kayang gumawa ng totoong gawain, hindi nila nililinang o itinataas ng ranggo ang mga taong mahusay ang kakayahan na naghahangad sa katotohanan; ang tanging itinataas nila ng ranggo ay ang mga taong nambobola sa kanila, mga mahilig sumamba sa iba, na sumasang-ayon at humahanga sa kanila sa puso ng mga ito, mga taong mahusay sa pakikipag-ugnayan, na walang pagkaunawa sa katotohanan at hindi kayang kumilatis. Dinadala ng mga anticristo ang mga taong ito sa kanilang panig para paglingkuran sila, maging abala para sa kanila, at gumugol ng bawat araw sa pag-ikot sa kanila. Ito ang nagbibigay sa mga anticristo ng kapangyarihan sa iglesia, at nangangahulugan ito na maraming tao ang lumalapit sa kanila, at sumusunod sa kanila, at na walang sinuman ang nangangahas na salungatin sila. Ang lahat ng mga taong ito na nililinang ng mga anticristo ay mga taong hindi naghahangad ng katotohanan. Karamihan sa kanila ay walang espirituwal na pang-unawa at walang alam kundi ang pagsunod sa panuntunan. Gusto nilang sinusundan ang mga uso at ang mga may kapangyarihan. Sila ay ang uri na lumalakas ang loob kapag nagkakaroon ng isang makapangyarihang amo—isang grupo ng mga taong magulo ang isip. Ano nga ba ang kasabihang iyon ng mga walang pananampalataya? Mas mabuti pang maging isang eskudero sa isang mabuting tao kaysa maging sinasambang ninuno ng isang masamang tao. Ganap na kabaligtaran ang ginagawa ng mga anticristo—kumikilos sila bilang mga sinasambang ninuno ng gayong mga tao, at naghahanda para linangin ang mga ito bilang kanilang mga taga-wagayway ng watawat at tagapagpasaya. Sa tuwing may isang anticristo na nasa kapangyarihan sa isang iglesia, palagi silang mangangalap ng mga taong magulo ang isip at ang mga pikit-matang nagloloko bilang kanilang mga katulong, habang inihihiwalay at sinusugpo ang mga taong may kakayahan na nakauunawa at nagsasagawa ng katotohanan, na kayang gumawa ng trabaho—at lalo na ang mga lider at manggagawa na may kakayahan sa aktuwal na trabaho. Sa ganitong paraan, dalawang kampo ang nabubuo sa iglesia: Sa isang kampo ay ang mga medyo matapat ang pagkatao, na gumagawa ng kanilang tungkulin nang may katapatan, at mga taong naghahangad ng katotohanan. Ang kabilang kampo ay isang grupo ng mga taong magulo ang isip at pikit-matang nagloloko, na pinamumunuan ng mga anticristo. Ang dalawang kampong ito ay magpapatuloy sa pakikipaglaban sa isa’t isa hanggang sa ang mga anticristo ay mabunyag at maitiwalag. Ang mga anticristo ay palaging lumalaban at kumikilos laban sa mga taong gumagawa ng kanilang tungkulin nang may katapatan at naghahangad ng katotohanan. Hindi ba’t lubha nitong nagugulo ang gawain ng iglesia? Hindi ba’t ginagambala at ginugulo nito ang gawain ng Diyos? Ang puwersa bang ito ng mga anticristo ay hindi isang katitisuran at isang balakid na pumipigil sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos sa iglesia? Hindi ba’t ito ay isang buktot na puwersang sumasalungat sa Diyos? Bakit kumikilos ang mga anticristo sa ganitong paraan? Dahil sa isipan nila, malinaw na kung tatayo at magiging mga lider at manggagawa ang mga positibong karakter na ito, magiging mga katunggali sila ng mga anticristo; magiging salungat na puwersa sila sa mga anticristo, at talagang hindi sila makikinig sa mga salita ng mga anticristo o susunod sa kanila; talagang hindi nila susundin ang bawat utos ng mga anticristo. Sapat ang mga taong ito para maging banta sa katayuan ng mga anticristo. Kapag nakikita ng mga anticristo ang mga taong ito, lumilitaw ang poot sa kanilang puso; ang kanilang mga puso ay mawawalan ng kapayapaan at katiyakan kung hindi nila ihihiwalay at tatalunin ang mga taong ito at sisirain ang kanilang pangalan. Samakatuwid, dapat kumilos sila nang mabilis para linangin ang sarili nilang kapangyarihan at palakasin ang kanilang hanay. Sa ganitong paraan, mas makokontrol nila ang mga hinirang na mga tao ng Diyos, at hindi na muling mag-aalala tungkol sa ilang naghahangad ng katotohanan na nagbabanta sa kanilang katayuan. Bumubuo ang mga anticristo ng sarili nilang puwersa sa iglesia, kinukuha ang mga nakikinig sa kanila, sumusunod sa kanila, at sipsip sa kanila, at itinataas sa katungkulan ang mga ito para mamahala sa bawat aspekto ng gawain. Ang paggawa ba nito ay kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Hindi. Hindi lamang ito hindi kapaki-pakinabang, lumilikha rin ito ng pagkagambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Kung ang buktot na puwersang ito ay may higit sa kalahati ng mga tao sa panig nito, may tsansang mapababagsak nito ang iglesia. Ito ay dahil ang bilang ng mga naghahangad ng katotohanan sa iglesia nasa minorya lamang, samantalang ang mga trabahador at hindi mananampalataya na naroroon lamang para kumain hangga’t gusto nila ay hindi bababa sa kalahati. Sa sitwasyong ito, kung itutuon ng mga anticristo ang lakas nila sa panlilinlang at pang-aakit sa mga taong iyon sa kanilang panig, natural na magkakaroon sila ng higit na kapangyarihan kapag naghalal ang iglesia ng mga lider. Samakatuwid, palaging binibigyang-diin ng sambahayan ng Diyos na sa panahon ng halalan, dapat na magbahagi tungkol sa katotohanan hanggang sa maging malinaw ito. Kung hindi mo magawang isiwalat at talunin ang mga anticristo sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan, puwedeng iligaw ng mga anticristo ang mga tao at mahalal bilang lider, sinasakop at kinokontrol ang iglesia. Hindi ba’t iyon ay isang mapanganib na bagay? Kung isa o dalawang anticristo ang lumitaw sa iglesia, hindi ito magdudulot ng takot, pero kung ang mga anticristo ay magiging isang puwersa at magkakamit ng isang partikular na antas ng impluwensiya, magdudulot iyon ng takot. Samakatuwid, kailangang mabunot at mapatalsik ang mga anticristo sa iglesia bago nila makamit ang antas ng impluwensiyang iyon. Ang gawaing ito ay may pinakamataas na priyoridad, at kinakailangan itong gawin. Bukod pa rito, ang mga hindi mananampalatayang iyon sa iglesia, lalo na ang mga may hilig sumamba at sumunod sa tao, na gustong sumunod sa puwersa, na gustong maging kasabwat at alipores ng mga demonyo, na gustong bumuo ng mga pangkat—ang gayong mga hindi mananampalataya at mga diyablo tulad nila ay dapat na paalisin sa lalong madaling panahon. Iyan ang tanging paraan para maiwasan ang mga taong iyon na bumuo ng puwersa na gugulo at kokontrol sa iglesia. Ito ay isang bagay na dapat na malinaw na makita ng hinirang na mga tao ng Diyos, isang bagay na dapat intindihin ng mga nakauunawa sa katotohanan. Ang lahat ng pumapasan ng gawain ng iglesia, lahat ng may pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, ay dapat na makita ang mga bagay na ito sa kung ano sila. Dapat nilang makita lalo na ang uri ng mga anticristo kung ano sila, gayundin ang maliliit na diyablo na gustong nambobola at sumasamba sa mga tao, at pagkatapos ay maglagay ng mga paghihigpit sa kanila o alisin sila sa iglesia. May napakalaking pangangailangan para sa pagsasagawang tulad nito. Ang mga taong tulad ng mga anticristo ay partikular na naglalayong makipag-ugnayan sa gayong mga taong magulo ang isip, mga walang kuwentang tao, at mga ubod ng samang tao na hindi tumatanggap o nagmamahal sa katotohanan. Hinihikayat nila ang mga ito sa kanilang panig at “nakikipagtulungan” sa kanila nang medyo maayos, at matalik, at masigasig. Anong mga klaseng nilalang ang mga taong iyon? Hindi ba’t mga miyembro sila ng mga grupo ng anticristo? Kung dapat palitan ng Itaas ang kanilang “sinasambang ninuno,” ang masusunuring supling na ito ay hindi maninindigan para rito—huhusgahan nila ang Itaas bilang hindi patas, at magsasama-sama sila para ipagtanggol ang mga anticristo. Puwede ba silang pahintulutan ng sambahayan ng Diyos na manaig? Ang gagawin lang nito ay ihagis ang lambat nito sa kanilang lahat at paalisin silang lahat. Mga demonyo sila ng mga grupo ng mga anticristo, at wala ni isa man sa kanila ang puwedeng pakawalan. Ang mga taong tulad ng mga anticristo ay bihirang kumilos nang mag-isa; kadalasan, nagtitipon sila ng isang grupo para kasamang kumilos, na binubuo ng hindi bababa sa dalawa o tatlong tao. Gayumpaman, may ilang indibidwal na kaso ng mga anticristo na kumikilos bilang mga indibidwal. Ito ay dahil wala silang mga talento, o marahil ay hindi nila nakuha ang kanilang tsansa. Gayumpaman, ang pagkakatulad nila sa iba ay ang kanilang espesyal na pagmamahal sa katayuan. Huwag mong ipagpalagay na hindi nila mahal ang katayuan dahil wala silang mga kasanayan o edukasyon. Mali iyan. Hindi mo pa nakikita nang malinaw ang diwa ng isang anticristo—hangga’t ang isang tao ay isang anticristo, gusto niya ang katayuan. Sa pagkakita na ang mga anticristo ay walang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino, bakit naglilinang sila ng gayong grupo ng mga taong magulo ang isip, basura, at hayop para magpalugod sa kanila? Gusto ba nilang makipagtulungan sa mga taong ito? Kung talagang kaya nilang makipagtulungan sa mga ito, ang pahayag na “walang kakayahan ang mga anticristo na makipagtulungan sa kahit na kanino” ay walang kabuluhan. Wala silang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino—na ang “kahit kanino” ay pangunahing tumutukoy sa mga positibong tao, pero kung isasaalang-alang ang disposisyon ng isang anticristo, hindi rin sila puwedeng makipagtulungan sa kanilang mga kasabwat. Kaya, ano ang ginagawa nila sa paglinang sa mga taong ito? Nililinang nila ang isang grupo ng mga taong magulo ang isip na madaling utus-utusan, na madaling manipulahin, walang mga sarili nilang pananaw, na ginagawa ang anumang sabihin ng mga anticristo—para patuloy na sama-samang pangalagaan ang katayuan ng mga anticristo. Kung sasandig ang isang anticristo sa kanyang sarili, mag-iisa lang siya, at hindi magiging madaling bagay para sa kanyang pangalagaan ang kanyang katayuan. Kaya naman hinihikayat niya ang isang grupo ng mga taong magulo ang isip para pumalibot sa kanya araw-araw at gumawa ng mga bagay-bagay para sa kanyang kapakanan. Inililigaw pa nga niya ang hinirang na mga tao ng Diyos: Sinasabi niya kung paano hinahangad ng mga taong ito ang katotohanan at kung paano sila nagdurusa; sinasabi niyang karapat-dapat silang alagaan; sinasabi pa nga niya na kapag may isyu ang mga taong ito, nagtatanong sila sa kanya tungkol dito, at tinatanong siya tungkol dito—na lahat sila ay mga masunurin at mapagpasakop na tao. Nakikipagtulungan ba siya sa paggawa ng kanyang tungkulin? Ang anticristo ay naghahanap ng isang grupo ng mga tao na kikilos para sa kanya, na magiging mga alipores niya, mga kasabwat niya, para patatagin ang kanyang katayuan. Hindi iyon pakikipagtulungan—pagpapatakbo iyon ng sarili niyang operasyon. Ganyan ang puwersa ng mga anticristo.

Ano ang masasabi ninyo, mahirap bang makipagtulungan sa ibang tao? Hindi naman, sa totoo lang. Masasabi pa nga ninyong madali ito. Subalit bakit pakiramdam pa rin ng mga tao ay mahirap ito? Dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Para sa mga nagtataglay ng pagkatao, konsensiya, at katwiran, ang pakikipagtulungan sa iba ay medyo madali, at nararamdaman nilang ito ay isang bagay na nakakagalak. Ito ay dahil hindi madali para sa kahit sino na magawa ang mga bagay-bagay nang mag-isa, at anuman ang larangan na kanilang kinasasangkutan, o anuman ang kanilang ginagawa, palaging mabuti na may isang taong naroon para tukuyin ang mga bagay-bagay at mag-alok ng tulong—mas madali kaysa gawin ito nang mag-isa. Gayundin, may mga limitasyon sa kung ano ang magagawa ng kakayahan ng mga tao o kung ano ang kaya nila mismong maranasan. Walang sinuman ang maaaring maging dalubhasa sa lahat ng bagay: imposible para sa isang tao na malaman ang lahat, maging may kakayahan sa lahat, magawa ang lahat—imposible iyon, at dapat taglayin ng lahat ang gayong katwiran. At kaya, anuman ang gawin mo, mahalaga man ito o hindi, palagi kang mangangailangan ng isang taong tutulong sa iyo, para bigyan ka ng mga paalala at payo, o para gumawa ng mga bagay-bagay sa pakikipagtulungan sa iyo. Ito ang tanging paraan para masigurong magagawa mo ang mga bagay-bagay nang mas tama, mas magiging kaunti ang mga pagkakamali at mas malamang na hindi ka maliligaw—mabuting bagay ito. Ang paglilingkod sa Diyos, sa partikular, ay isang malaking bagay, at ang hindi paglutas sa iyong tiwaling disposisyon ay maaaring maglagay sa iyo sa panganib! Kapag ang mga tao ay may mga satanikong disposisyon, maaari silang maghimagsik at sumalungat sa Diyos anumang oras at saanmang lugar. Ang mga taong namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon ay maaaring tanggihan, salungatin, at ipagkanulo ang Diyos anumang oras. Napakahangal ng mga anticristo, hindi nila ito napagtatanto, iniisip nilang, “Ang dami ko nang problemang pinagdaanan para magkaroon ng kapangyarihan, bakit ko ito ibabahagi sa iba? Ang pagbibigay nito sa iba ay nangangahulugang wala nang matitira para sa sarili ko, hindi ba? Paano ko maipakikita ang aking mga talento at abilidad nang walang kapangyarihan?” Hindi nila alam na ang ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao ay hindi kapangyarihan o katayuan, kundi isang tungkulin. Ang tinatanggap lamang ng mga anticristo ay kapangyarihan at katayuan, isinasantabi nila ang kanilang mga tungkulin, at hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain. Sa halip, naghahangad lamang sila ng kasikatan, pakinabang at katayuan, at gusto lamang nilang kamkamin ang kapangyarihan, kontrolin ang mga hinirang na tao ng Diyos, at tamasahin ang mga benepisyo ng katayuan. Ang paggawa ng mga bagay sa ganitong paraan ay lubhang mapanganib—ito ay pagsalungat sa Diyos! Sinumang naghahangad ng kasikatan, pakinabang at katayuan sa halip na maayos na gampanan ang kanilang tungkulin ay naglalaro ng apoy at naglalagay ng kanilang buhay sa panganib. Ang mga naglalaro ng apoy at ng kanilang buhay ay maaaring magpahamak sa kanilang sarili anumang sandali. Ngayon, bilang isang lider o manggagawa, naglilingkod ka sa Diyos, na hindi isang ordinaryong bagay. Hindi ka gumagawa ng mga bagay para sa kung sinong tao, lalong hindi ka nagtatrabaho para mabayaran ang mga bayarin at matustusan ang mga pangangailangan mo; sa halip, ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa iglesia. At ipagpalagay natin, sa partikular, na ang tungkuling ito ay nagmula sa atas ng Diyos, ano ang ipinapahiwatig ng paggawa nito? Na ikaw ay may pananagutan sa Diyos sa iyong tungkulin, gawin mo man ito nang maayos o hindi; sa huli, dapat mag-ulat sa Diyos, dapat may kinalabasan. Ang tinanggap mo ay atas ng Diyos, isang banal na responsabilidad, kaya gaano man kalaki o kaliit ang kahalagahan ng responsabilidad na ito, seryosong usapan ito. Gaano ito kaseryoso? Sa maliit na antas kinapapalooban ito ng kung makakamit mo ang katotohanan sa buhay na ito at kinapapalooban ito ng kung paano ka tinitingnan ng Diyos. Sa mas malaking antas, direkta itong nauugnay sa iyong kinabukasan at kapalaran, sa iyong kalalabasan; kung gagawa ka ng kasamaan at sasalungatin ang Diyos, kokondenahin ka at parurusahan. Ang lahat ng ginagawa mo kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin ay itinatala ng Diyos, at ang Diyos ay may mga sarili Niyang prinsipyo at pamantayan kung paano ito mamarkahan at susuriin; itinatakda ng Diyos ang iyong kalalabasan batay sa lahat ng ipinamamalas mo habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Seryosong usapin ba ito? Talagang seryoso ito! Kaya, kung itinalaga sa iyo ang isang gawain, sariling usapin mo ba ito para asikasuhin? (Hindi.) Ang gawaing iyon ay hindi isang bagay na kaya mong kumpletuhin nang mag-isa, subalit hinihingi nitong akuin mo ang responsabilidad para dito. Ang responsabilidad ay sa iyo; dapat mong kumpletuhin ang atas na iyon. Ano ang tinatalakay nito? Tinatalakay nito ang pagtutulungan, kung paano makikipagtulungan sa pagseserbisyo, kung paano makikipagtulungan para magampanan ang iyong tungkulin, kung paano makikipagtulungan para makumpleto ang iyong atas, kung paano makikipagtulungan nang sa gayon ay masusunod mo ang kalooban ng Diyos. Tinatalakay nito ang mga bagay na ito.

Ang maayos na pagtutulungan ay kinapapalooban ng maraming bagay. Kahit papaano, ang isa sa maraming bagay na ito ay ang pahintulutan ang iba na magsalita at magbigay ng ibang mga mungkahi. Kung tunay kang makatwiran, anumang uri ng gawain ang ginagawa mo, kailangan mo munang matutunang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at dapat ka ring magkusang hingin ang mga opinyon ng iba. Basta’t sineseryoso mo ang bawat mungkahi, at pagkatapos ay nilulutas ang mga problema nang may pagkakaisa, talagang makakamit mo ang maayos na pagtutulungan. Sa ganitong paraan, makararanas ka ng mas kaunting paghihirap sa iyong tungkulin. Anumang mga problema ang lumitaw, magiging madaling lutasin at harapin ang mga ito. Ito ang epekto ng maayos na pagtutulungan. Kung minsan ay may mga pagtatalo tungkol sa mga walang kuwentang bagay, subalit basta’t hindi nito naaapektuhan ang gawain, hindi magiging problema ang mga ito. Gayunman, sa mahahalaga at malalaking bagay na kinasasangkutan ng gawain ng iglesia, kailangan ninyong magkasundo at hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito. Bilang isang lider o isang manggagawa, kung palagi mong iniisip ang iyong sarili nang higit kaysa sa iba, at nagpapakasaya sa iyong tungkulin na parang ito ay isang posisyon sa gobyerno, palaging nagpapakasasa sa mga benepisyo ng iyong katayuan, palaging gumagawa ng mga sarili mong plano, palaging iniisip at tinatamasa ang sarili mong kasikatan, pakinabang at katayuan, palaging nagpapatakbo ng sarili mong operasyon, at palaging naghahangad na magtamo ng mas mataas na katayuan, na mapamahalaan at makontrol ang mas maraming tao, at mapalawak ang saklaw ng iyong kapangyarihan, problema ito. Lubhang mapanganib na tratuhin ang isang mahalagang tungkulin bilang isang pagkakataon para tamasahin ang iyong posisyon na para bang isa kang opisyal ng gobyerno. Kung palagi kang kikilos nang ganito, ayaw makipagtulungan sa iba, ayaw bawasan ang iyong kapangyarihan at ibahagi ito sa iba, ayaw na masapawan ka ng iba, na maagaw ang katanyagan, kung gusto mo lang tamasahing mag-isa ang kapangyarihan, isa kang anticristo. Subalit kung madalas mong hinahanap ang katotohanan, isinasagawa ang paghihimagsik laban sa iyong laman, sa mga sarili mong motibasyon at ideya, at nagagawa mong kusang makipagtulungan sa iba, buksan ang puso mo para sumangguni at maghanap kasama ng iba, makinig nang mabuti sa mga ideya at mungkahi ng iba, at tumanggap ng payo na tama at naaayon sa katotohanan, kanino man iyon manggaling, nagsasagawa ka sa isang matalino at tamang paraan, at nagagawa mong iwasang tumahak sa maling landas, na proteksyon para sa iyo. Dapat mong talikuran ang mga titulo ng pagiging lider, talikuran ang maruming hangin ng katayuan, tratuhin ang sarili mo bilang isang ordinaryong tao, tumayong kapantay ng iba, at maging responsable sa iyong tungkulin. Kung palagi mong tatratuhin ang iyong tungkulin bilang isang opisyal na titulo at katayuan, o bilang isang uri ng karangalan, at iisiping naroon ang iba para gumawa at magserbisyo para sa iyong posisyon, problema ito, at hahamakin at kasusuklaman ka ng Diyos. Kung naniniwala ka na kapantay ka ng iba, mayroon ka lamang kaunting atas at responsabilidad mula sa Diyos, kung matututo kang ipantay ang sarili mo sa kanila, at makakapagpakumbaba pa nga para tanungin kung ano ang iniisip ng ibang mga tao, at kung kaya mong pakinggan nang taimtim, masinsinan, at mabuti ang sinasabi nila, makikipagtulungan ka nang maayos sa iba. Ano ang epektong makakamtan ng maayos na pagtutulungang ito? Malaki ang epekto. Magkakamit ka ng mga bagay na hindi mo pa nakakamit dati, na iyon ay ang liwanag ng katotohanan at mga realidad ng buhay; matutuklasan mo ang mabubuting katangian ng iba at matututo ka mula sa kanilang mga kalakasan. Mayroon pang iba: Ang tingin mo sa ibang mga tao ay walang alam, mahina ang utak, hangal, mas mababa sa iyo, subalit kapag nakinig ka sa kanilang mga opinyon, o nagtapat sa iyo ang ibang mga tao, matutuklasan mo nang hindi sinasadya na walang sinumang kasing-ordinaryo na tulad ng iniisip mo, na lahat ay maaaring magbigay ng ibang mga kaisipan at ideya, at na ang lahat ay may mga sarili nilang merito. Kung matututo kang makipagtulungan nang maayos, higit pa sa pagtulong lamang sa iyo na matuto mula sa mga kalakasan ng iba, maaaring ilantad nito ang iyong kayabangan at pagmamagaling, at pigilan kang isipin na matalino ka. Kapag hindi mo na itinuturing na mas matalino ka at mas magaling kaysa sa lahat ng iba pa, titigil ka na sa pamumuhay sa kalagayang ito ng sobrang pagpapahalaga sa sarili. At poprotektahan ka niyan, hindi ba? Gayon ang aral na dapat mong matutunan at ang benepisyong dapat mong makamit sa pakikipagtulungan sa iba.

Sa mga pakikitungo Ko sa mga tao, nakikinig Akong mabuti sa sinasabi ng karamihan ng mga tao. Tinitiyak Kong sinusuri Ko ang lahat ng uri ng mga tao, at pinakikinggan silang magsalita, at pinag-aaralan ang wika at estilong ginagamit nila sa paggawa nito. Ipinagpapalagay mo dati, halimbawa, na karamihan ng mga tao ay may kaunti lang na edukasyon, subalit hindi marunong ng mga kasanayan ng isang hanapbuhay, kaya hindi na kinakailangang makipag-ugnayan sa kanila. Sa katunayan, hindi tama iyan. Kapag nakasasalamuha mo ang mga taong ito, o kahit na ang ilang espesyal na tao, nagagawa mong maunawaan ang mga bagay sa kaibuturan ng kanilang puso na hindi mo makita o maunawaan—mga bagay tulad ng kanilang mga iniisip at pananaw, ang ilan ay baluktot, at ang ilan ay wasto. Siyempre, maaaring medyo malayo pa sa katotohanan ang “pagiging wasto” na iyon; maaaring wala itong kinalaman dito. Subalit magagawa mong malaman ang mas maraming aspekto ng kalikasan ng tao. Hindi ba’t iyan ay isang mabuting bagay para sa iyo? (Isang mabuting bagay ito.) Iyan ang kabatiran; isa itong paraan ng paglilinang sa iyong kabatiran. Maaaring sabihin ng ilan na, “Ano ang silbi ng paglilinang ng ating kabatiran?” Kapaki-pakinabang ito para sa pag-unawa mo sa iba’t ibang uri ng mga tao, at sa iyong pagkilatis at paghimay sa iba’t ibang uri ng mga tao, at lalong higit sa iyong kakayahang tumulong sa iba’t ibang uri ng mga tao. Ito ang landas kung saan maraming gawain ang ginagawa. Ang ilang tao ay huwad na espirituwal at naniniwalang, “Ngayong nananalig ako sa Diyos, hindi ako nakikinig sa mga broadcast o mga balita, at hindi ako nagbabasa ng mga pahayagan. Hindi ako nakikipag-ugnayan sa panlabas na mundo. Ang lahat ng tao, mula sa lahat ng antas ng pamumuhay at propesyon, ay mga demonyo!” Buweno, mali ka. Kung nasa iyo ang katotohanan, matatakot ka pa rin bang makipag-ugnayan sa mga demonyo? Maging ang Diyos kung minsan ay may mga pakikitungo kay Satanas sa espirituwal na mundo. Nagbabago ba Siya para dito? Hindi kahit kaunti. Natatakot kang makipag-ugnayan sa mga demonyo, at sa loob ng takot na iyon, may isang problema. Ang talagang dapat katakutan ay na hindi mo nauunawaan ang katotohanan, na mayroon kang hindi tumpak na pagkaarok at pananaw sa pananalig sa Diyos at sa katotohanan, na marami kang kuru-kuro at imahinasyon, at na masyado kang nagiging dogmatiko. Iyon ang dahilan kung bakit, ikaw man ay isang lider o manggagawa o isang lider ng grupo, anumang trabaho ang may responsabilidad ka at anuman ang papel na iyong ginagampanan, dapat mong matutunang makipagtulungan sa iba at makipag-ugnayan sa kanila. Huwag kang magbulalas ng magagarbong ideya, at huwag palaging magpanggap na maharlika, para bigyang-pansin ka ng mga tao. Kung palagi kang nagbubulalas ng magagarbong ideya, at hindi ka kailanman nagsasagawa ng katotohanan, o nakikipagtulungan sa iba, ginagawa mong hangal ang iyong sarili. Sino ang magbibigay-pansin sa iyo kung ganoon? Paano nangyari ang pagbagsak ng mga Pariseo? Palagi silang nangangaral ng mga teoryang teolohiko at nagbubulalas ng magagarbong ideya. Habang ginagawa nila iyon, wala na ang Diyos sa kanilang puso—tinanggihan nila Siya, at ginamit pa nga ang mga kuru-kuro, kautusan, at tuntunin ng tao para kondenahin at salungatin ang Diyos, at ipako Siya sa krus. Buong araw nilang hawak ang kanilang mga Bibliya, binabasa at sinasaliksik ang mga ito, at matatas na nakapagsasalita ng kasulatan. At ano ang kinahinatnan noon, sa huli? Hindi nila alam kung nasaan ang Diyos, o kung ano ang Kanyang disposisyon, at kahit na nagpahayag Siya ng maraming katotohanan, hindi nila tinanggap ang kahit katiting ng mga ito, sa halip ay sinalungat at kinondena nila Siya. Hindi ba’t iyon ang katapusan nila? Malinaw ninyong nalalaman kung ano ang mga resulta niyon. Mayroon ba kayong mga nakalilinlang na pananaw sa inyong pananalig sa Diyos? Hindi ba kayo nakabukod? (Oo, nakabukod kami.) Nakikita ninyo bang nakabukod Ako? Minsan ay nagbabasa Ako ng balita, at minsan nanonood ng mga panayam sa mga espesyal na panauhin at iba pang ganoong mga programa; minsan, nakikipag-usap Ako sa mga kapatid, at minsan, nakikipag-usap Ako sa taong nagluluto o naglilinis. Nakikipag-usap Ako nang bahagya sa kung sino man ang nakikita Ko. Huwag mong isipin na dahil umako ka ng isang gampanin, o dahil may espesyal kang talento, o dahil pa nga tumanggap ka ng isang espesyal na misyon, na mas espesyal ka kaysa sa iba. Mali iyan. Sa sandaling isipin mong mas espesyal ka kaysa sa iba, ang maling pananaw na iyon ang hindi mapapansing unti-unting magkukulong sa iyo sa isang hawla—papaderan ka nito ng bakal at tanso mula sa labas. Pagkatapos ay mararamdaman mong pinakamataas ka sa lahat, na hindi mo kayang gawin ito at iyon, na hindi mo kayang magsalita o magkaroon ng komunikasyon sa ganito-at-ganyang tao, na hindi mo kayang tumawa man lang. At ano ang mangyayari sa huli? Magiging ano ka? (Isang nakahiwalay na laging mag-isa.) Ikaw ay nagiging nakahiwalay na laging mag-isa. Tingnan mo kung paano palaging sinasabi ng mga emperador noong unang panahon ang mga bagay tulad ng “Ako, mag-isa, ay gayon at ganyan”; “Ako, na nakahiwalay, ay ito at iyan”; “Ako, mag-isa, ay nag-iisip”—palaging ipinapahayag ang kanilang sarili na nag-iisa. Kung palagi mong ipinahahayag ang iyong sarili na nag-iisa, gaano kadakila kaya ang tingin mo sa iyong sarili? Sa sobrang dakila ay naging anak ka na talaga ng langit? Ganoon ka ba? Sa diwa, isa kang ordinaryong tao. Kung palagi mong iniisip na dakila at hindi pangkaraniwan ang iyong sarili, may problema ka. Mas lalala pa ito. Kung isinasagawa mo ang iyong mga makamundong pakikitungo nang may gayong maling pananaw, magbabago ang mga paraan at pamamaraan ng iyong pagkilos—magbabago ang iyong mga prinsipyo. Kung palagi mong iniisip na nakahiwalay ang iyong sarili, na mas mataas ka kaysa sa lahat ng iba, na hindi mo dapat gawin ang ganito o ang ganoong uri ng bagay, na ang paggawa ng gayong mga bagay ay mas mababa sa iyong katayuan at reputasyon, hindi ba’t naging mas malala ang mga bagay-bagay? (Naging mas malala.) Mararamdam mong, “Sa katayuang tulad sa akin, hindi ko basta-bastang masasabi ang lahat sa iba!” “Sa katayuang tulad sa akin, hindi ko masasabi sa iba na ako ay mapaghimagsik!” “Sa reputasyong tulad sa akin, hindi ko masasabi sa iba ang mga nakabababang bagay tulad ng aking mga kahinaan, depekto, pagkakamali, at kakulangan sa edukasyon—hindi ko talaga maaaring ipaalam sa sinuman ang tungkol sa mga bagay na iyon!” Nakapapagod iyon, hindi ba? (Nakapapagod iyon.) Kung nabuhay ka sa gayong nakapapagod na paraan, magagawa mo ba nang maayos ang iyong tungkulin? (Hindi.) Saan nanggagaling ang problema? Nanggagaling ito sa iyong mga pananaw sa iyong tungkulin at katayuan. Gaano ka man kahusay na “opisyal,” anuman ang posisyon na hawak mo, gaano man karami ang taong pinamamahalaan mo, sa totoo, wala itong iba kundi ibang tungkulin. Wala kang pinagkaiba sa iba. Hindi mo ito nakikita sa kung ano ito, subalit palaging nararamdaman sa iyong puso na, “Hindi ito ibang tungkulin—ito talaga ay isang pagkakaiba sa katayuan. Kailangan kong maging higit sa iba; paano ako makikipagtulungan sa iba? Maaari din namang sila ang makipagtulungan sa akin—hindi ko kayang makipagtulungan sa kanila!” Kung ganyan ka palaging mag-isip, palaging ninanais na maging higit sa lahat, palaging ninanais na makinabang sa pinaghirapan ng iba, nakatataas sa kanila at minamaliit sila, hindi magiging madali para sa iyo na makipagtulungan sa mga tao. Palagi mong iisipin na, “Ano ang alam ng taong iyon? Kung alam niya ang mga bagay-bagay, siya dapat ang piniling lider ng mga kapatid. Kaya, bakit ako ang pinili nila? Dahil mas magaling ako sa kanya. Kaya, hindi ako dapat makipagtalakayan ng mga bagay-bagay sa kanya. Kung ginawa ko ito, mangangahulugan ito na hindi ako mahusay. Para patunayang mahusay ako, hindi ko maaaring talakayin ang mga bagay-bagay kaninuman. Walang sinuman ang karapat-dapat na makipagtalakayan ng gawain sa akin—wala talagang sinuman!” Ganito mag-isip ang mga anticristo.

Sa kalakhang Tsina, sinusupil ng Partido Komunista ang relihiyosong paniniwala. Kakila-kilabot na kapaligiran ito. Ang mga mananampalataya ng Diyos ay nahaharap sa panganib ng pagkaaresto anumang oras, kaya hindi masyadong madalas na nagtitipon ang mga lider at manggagawa. Kung minsan, ni hindi sila makapagdaos ng mga pagpupulong ng katrabaho minsan sa isang buwan; naghihintay sila hanggang sa payagan ng mga kondisyon na magtipon, o hanggang sa makahanap sila ng angkop na lugar. Paano isinasagawa ang gawain, kung gayon? Kapag may mga pagsasaayos ng gawain, dapat may mahanap na isang tao na maghahatid sa mga ito. Minsan, nakahanap kami ng isang kalapit na kapatid para maghatid ng mga pagsasaayos ng gawain sa isang rehiyonal na lider. Ang kapatid na ito ay isang ordinaryong mananampalataya, at nang inihatid niya ang mga pagsasaayos ng gawain, binasa ito ng lider na panrehiyon at sinabing, “Hay naku. Ito ang inaasahan ko.” Ano ang ipinagmamalaki niya sa harap ng kapatid na iyon? Ipinangangalandakan niya ang kanyang kapangyarihan, para sabihin ng sinumang tumitingin na, “Aba, napakarangal niyan. Anong estilo!” At wala iyon—pagkatapos na pagkatapos, sinabi niya, “Ito ang taong ipinapadala nila para maghatid ng mga pagsasaayos ng gawain sa akin? Hindi ganoon kataas ang kanyang ranggo!” Nangangahulugan ito na: “Isa akong lider na panrehiyon, isang importanteng lider. Bakit ipinadadala ang isang ordinaryong mananampalataya para maghatid ng mga bagay sa akin? Hindi ba’t pagmamalabis ito? Mababa talaga ang tingin ng itaas sa akin. Isa akong lider na panrehiyon, kaya dapat ay nagpadala man lang sila ng isang lider ng distrito para maghatid nito, subalit kumuha sila ng isang pinakamababa at ordinaryong mananampalataya para gawin ito—hindi ganoon kataas ang kanyang ranggo!” Anong uri ng tao ang lider na ito! Gaano niya pinahahalagahan ang kanyang katayuan, para sabihing hindi ganoon kataas ang ranggo ng tagapaghatid? Itinuturing niya ang kanyang titulo bilang isang dahilan para igiit ang kanyang awtoridad. Hindi ba’t isa siyang mala-demonyong bagay? (Mala-demonyo siya.) Oo nga, mala-demonyong bagay siya. Sa gawain ng iglesia, mapili ba tayo kung sino ang ipinapadala para maghatid ng mga bagay o para magbigay ng mga pabatid? Sa isang kapaligiran tulad ng kalakhang Tsina, nahaharap ang mga kapatid sa gayong napakalaking panganib habang naghahatid ng mga ipinapadala, subalit pagdating ng kapatid na ito na may mga pagsasaayos ng gawain, sinabihan siya ng lider na hindi ganoon kataas ang kanyang ranggo, ipinahihiwatig na kailangang makakita ng isang taong may sapat na taas ng ranggo, isang taong katugma ng lider pagdating sa reputasyon at katayuan, at ang hindi paggawa noon ay pangmamaliit sa lider—hindi ba’t iyon ang disposisyon ng isang anticristo? (Oo.) Disposisyon ito ng isang anticristo. Ang mala-demonyong taong ito ay hindi kayang gumawa ng anumang aktuwal na gawain, at wala siyang mga kasanayan, subalit may mga gayon pa rin siyang hinihingi—binibigyang-diin pa rin niya ang katayuan. Ano ang kanyang islogan? “Hindi ganoon kataas ang kanyang ranggo.” Kung sinuman ang nakikipag-usap sa kanya, tinatanong niya muna, “Anong antas ng lider ka? Ang lider ng isang maliit na grupo? Umalis ka—hindi ganoon kataas ang iyong ranggo!” Kung ang kapatid sa Itaas ang magdaraos ng isang pagtitipon, palagi siyang magpapatuloy, na sinasabing, “Ang kapatid na ito ang pinakadakila sa mga lider ng iglesia, at ako ang kasunod niya. Kahit saan siya maupo, tumatabi ako sa kanya, ayon sa ranggo.” Ganoon ito kalinaw sa isip niya. Hindi ba’t walang kahihiyan ito? (Oo.) Napakawalang kahihiyan nito—wala siyang kaalaman sa sarili! Gaano siya kawalang kahihiyan? Sapat para kasuklaman ng mga tao. Kahit may titulo siyang lider, ano ang kaya niyang gawin? Gaano kahusay niya itong ginagawa? Kailangang magkaroon siya ng ilang resulta na maipapakita bago niya ipagmalaki ang kanyang mga kuwalipikasyon—magiging angkop iyon; magiging lohikal iyon. Gayumpaman, pinag-iiba-iba niya ang mga tao ayon sa ranggo nang walang nakakamit na anumang resulta, nang walang nagagawang anumang gawain! At ano ang ranggo niya kung gayon? Bilang lider na panrehiyon, wala siyang nagawang masyadong aktuwal na gawain—hindi siya nakatutugon sa ranggong ito. Kung pag-iiba-ibahin Ko ang mga tao ayon sa ranggo, mayroon bang sinumang makapapantay sa Akin? Wala. Nakikita ba ninyo Ako na gumagawa ng pag-iiba-iba batay sa ranggo kapag nakikipag-ugnayan Ako sa mga tao? Hindi—sino man ang nakatatagpo Ko, nakikipag-usap Ako sa kanila nang bahagya kung kaya Ko, at kung wala Akong oras, binabati Ko lang sila at iyon na iyon. Subalit hindi nag-iisip nang ganoon ang anticristong ito. Nakikita niya ang reputasyon, katayuan, at panlipunang kahalagahan bilang mas importante kaysa sa anumang bagay, bilang mas importante pa nga kaysa sa sarili niyang buhay. Gumagawa ba kayo ng pag-iiba-iba batay sa ranggo kapag magkasama kayong gumagawa ng inyong mga tungkulin? Ang ilang tao ay gumagawa ng pag-iiba-iba ayon sa ranggo sa lahat ng kanilang ginagawa; sa isang iglap, sasabihin nilang lumalampas ang ibang tao sa kanilang ranggo sa trabahong ginagawa nila at sa mga pabatid na ibinibigay nila. Ano ang ranggong ito na nilalampasan nila? Gawin mo muna nang maayos ang sarili mong tungkulin. Hindi ka makagawa ng anumang tungkulin nang maayos, o makagawa ng anumang trabaho, subalit gumagawa ka pa rin ng pag-iiba-iba batay sa ranggo—sino ang nagsabi sa iyong gawin iyan? Hindi pa oras para gumawa ng mga pag-iiba-iba batay sa ranggo. Masyadong maaga mo itong ginagawa; wala kang kaalaman sa sarili. May mga pagkakataong pumupunta tayo sa isang lugar at naghahanap ng mga tao roon para lutasin ang isang problema. Naghahanap ba tayo ng mga angkop na tao batay sa ranggo? Karaniwang hindi natin ito ginagawa. Kung ikaw ang namamahala sa gawain, hahanapin ka namin, at kung wala ka roon, hahanap kami ng iba. Hindi kami gumagawa ng pag-iiba-iba batay sa ranggo, o batay sa mataas o mababang katayuan. Kung may isang taong magpapasiyang gumawa ng gayong mga pag-iiba-iba, wala siyang kaalaman sa sarili, at hindi niya nauunawaan ang mga prinsipyo. Kung gumagawa ka ng pag-iiba-iba batay sa katayuan, ranggo, at mga titulo sa sambahayan ng Diyos na kasing-detalyado nang ginagawa ng mga walang pananampalataya, wala ka talagang katwiran! Hindi mo nauunawaan ang katotohanan; kulang na kulang ka. Hindi mo nauunawaan kung tungkol saan ang pananalig sa Diyos.

Pinag-usapan lang natin ang tungkol sa pagsasagawa ng pakikipagtulungan sa iba. Isa ba itong madaling bagay na gawin? Ang sinumang kayang maghanap ng katotohanan, na may kaunting kahihiyan, at pagkatao, konsensiya, at katwiran, ay makapagsasagawa ng pakikipagtulungan sa iba. Ito iyong mga taong walang pagkatao, na palaging nagnanais na magkaroon ng monopolyo sa katayuan, na palaging iniisip ang sarili nilang dignidad, katayuan, katanyagan, at kapakinabangan, na walang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino. Siyempre, isa rin ito sa mga pangunahing pagpapamalas ng mga anticristo: Hindi sila nakikipagtulungan sa sinuman, ni hindi nila kayang magkamit ng maayos na pakikipagtulungan sa sinuman. Hindi nila isinasagawa ang prinsipyong iyon. Ano ang dahilan nito? Ayaw nilang isuko ang kapangyarihan; ayaw nilang ipaalam sa iba na may mga bagay silang hindi nauunawaan, na may mga bagay na kailangan nilang ihingi ng payo. Nagpapakita sila ng ilusyon sa mga tao, pinag-iisip ang mga ito na wala silang hindi kayang gawin, wala silang hindi alam, walang bagay na ignorante sila, na nasa kanila ang lahat ng mga sagot, at na ang lahat ay magagawa, posible, at makakamit para sa kanila—na hindi nila kailangan ang iba, o tulong, mga paalala, o payo mula sa iba. Isang dahilan iyon. Ano ang pinakakapansin-pansing disposisyon ng mga anticristo, bukod diyan? Ibig sabihin, ano ang disposisyong makikita mo kapag nakikipag-ugnayan ka sa kanila, mula sa pagkarinig lamang ng isa o dalawang parirala nila? Kayabangan. Gaano sila kayabang? Mayabang na lampas sa katwiran—parang isang sakit sa pag-iisip. Kung sumisipsip sila ng tubig, halimbawa, at maganda silang tingnan habang ginagawa nila iyon, ipagyayabang nila iyon: “Tingnan mo, ang ganda kong tingnan kapag umiinom ako ng tubig.” Partikular na mahusay sila sa pagyayabang ng kanilang sarili at pagpapakitang-gilas; lalo silang walang pakundangan at hindi nahihiya. Ganyang uri ng bagay ang mga anticristo. Sa tingin nila, walang makapapantay sa kanila. Partikular silang mahusay sa pagpapakitang-gilas, at ganap na wala silang kaalaman sa sarili. Ang ilang anticristo ay partikular na pangit, pero iniisip nilang maganda ang hitsura nila, na may hugis-itlog na mukha, hugis-pili na mga mata, at naka-arkong kilay. Wala sila kahit nitong katiting na kaalaman sa sarili. Sa edad na 30 o 40, nataya na nang medyo tumpak ng isang karaniwang tao ang hitsura at kakayahan niya. Ang mga anticristo, gayumpaman, ay walang gayong pagkamakatwiran. Ano ang problema rito? Ito ay na lumampas ang kanilang mapagmataas na disposisyon sa mga hangganan ng normal na pagkamakatwiran. Gaano sila kayabang? Kahit mukha silang palaka, sasabihin nilang mukha silang sisne. Dito, may kahinaan sa pagtukoy kung ano ang oo at kung ano ang hindi, at ng pagbabaliktad ng mga bagay-bagay. Ang gayong lawak ng kayabangan ay kayabangan hanggang sa punto ng kawalanghiyaan; hindi ito mapipigilan. Kapag nagsasalita nang maayos ang mga ordinaryong tao tungkol sa kanilang sariling hitsura, nahihirapan silang banggitin ito at nakararamdam sila ng hiya. Pagkatapos nilang magsalita, nahihiya sila buong araw, na may pamumula sa kanilang mukha. Hindi namumula ang mga anticristo. Pupurihin nila ang kanilang sarili para sa mabubuting bagay na nagawa nila at sa mga kalakasang mayroon sila, para sa anumang mga paraan na mabuti sila at mas mahusay kaysa sa iba—dumadaloy lang ang mga salitang ito sa kanilang bibig, na parang ordinaryong pananalita. Ni hindi sila namumula! Ito ay kayabangang hindi masusukat, kahihiyan, o pagkamakatwiran. Ito ang dahilan kung bakit, sa mata ng mga anticristo, ang bawat normal na tao—lalo na ang bawat taong naghahanap sa katotohanan, at nagtataglay ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at normal na pag-iisip—ay isang pangkaraniwan, walang talentong masasabi, ay mas mababa sa kanila, at walang mga kalakasan at merito nila. Patas na sabihing dahil mayabang sila at naniniwalang walang sinuman ang makapapantay sa kanila—na dahil rito, hindi nila gustong makipagtulungan o makipagtalakayan ng mga bagay-bagay sa sinuman, sa anumang ginagawa nila. Puwedeng makinig sila sa mga sermon, magbasa ng mga salita ng Diyos, makita ang paglalantad ng Kanyang mga salita, o mapungusan kung minsan, pero sa anumang kaso, hindi sila aamin na nagsiwalat sila ng katiwalian at na sumalangsang sila, lalong hindi sa pagiging mapagmataas at mapagmagaling. Hindi nila nagagawang maunawaan na isa lang silang ordinaryong tao, na may ordinaryong kakayahan. Hindi nila kayang maunawaan ang gayong mga bagay. Paano mo man sila pungusan, iisipin pa rin nilang may mahusay silang kakayahan, na mas mataas sila kaysa sa mga ordinaryong tao. Hindi ba’t wala na itong pag-asa? (Wala na itong pag-asa.) Wala na itong pag-asa. Iyon ay isang anticristo. Gaano pa man sila pungusan, hindi nila kayang mahiya at amining hindi sila mabuti, na wala silang kakayahan. Sa tingin nila, ang pag-amin sa kanilang mga problema, kamalian, o katiwalian ay pareho ng kinondena, pareho ng winasak. Ganito sila mag-isip. Iniisip nilang sa sandaling makita ng iba ang kanilang mga pagkakamali, o sa sandaling aminin nila na mababa ang kanilang kakayahan at wala silang espirituwal na pang-unawa, mawawalan sila ng lakas sa kanilang pananalig sa Diyos at makikitang wala itong kabuluhan, dahil hindi na magagarantiyahan ang kanilang katayuan—nawala na ang kanilang katayuan. Iniisip nila na, “May silbi ba ang mabuhay nang walang katayuan? Mas mabuti pang mamatay!” At kung sila ay may katayuan, hindi sila mapipigilan sa kanilang pagmamataas, walang kontrol sa paggawa ng di-mabubuting bagay; at kung naharap sila sa malaking balakid at napungusan, gugustuhin nilang abandonahin ang kanilang trabaho, at magiging negatibo at magtatamad-tamaran. Gusto mo silang kumilos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan? Huwag mo na itong isipin. Ano ang pinaniniwalaan nila? “Ano kaya kung bigyan mo ako ng posisyon at hayaan mo akong kumilos sa sarili ko? Gusto mo akong makipagtulungan sa iba? Imposible iyan! Huwag mo akong hanapan ng kapareha—hindi ko kailangan ng isa; walang karapat-dapat na maging kapareha ko. O, huwag mo lang akong gamitin—ipagawa mo na lang ito sa iba!” Anong klaseng nilalang ito? “Isa lang ang lalaking maaaring manguna”—ito ang kaisipan ng mga anticristo, at ito ang kanilang mga pagpapamalas. Hindi ba’t wala na itong pag-asa? (Wala na itong pag-asa.)

Sa unang aytem, na nagsasabing walang kakayahan ang mga anticristo na makipagtulungan sa kahit na kanino, ano ang ibig sabihin ng “hindi nagagawa” na iyon? Na hindi sila nakikipagtulungan sa sinuman, at na hindi nila kayang makamit ang pakikipagtulungan sa iba—hindi ba’t ito ay dalawang uri nito? Ang dalawang kahulugang ito ay kasama rito, ayon sa itinakda ng diwa ng mga anticristo. Kahit na puwedeng makipagtulungan sa kanila ang mga tao, ang diwa nito ay hindi tunay na pakikipagtulungan—sila ay mga alalay lamang, nagbibigay ng suporta, gumagawa ng mga gawain, at nag-aasikaso ng mga usapin para sa kanila. Malayo ito sa pakikipagtulungan. Paano tinukoy ang “pakikipagtulungan” kung gayon? Ang katunayan ay na ang pangwakas na layunin ng pakikipagtulungan ay ang pagkamit ng pang-unawa sa mga katotohanang prinsipyo, pagkilos nang ayon sa mga ito, paglutas sa bawat problema, paggawa ng mga tamang desisyon—mga desisyon na umaayon sa mga prinsipyo, nang walang paglihis, at pagbabawas ng mga pagkakamali sa gawain, para ang lahat ng ginagawa mo ay ang pagganap ng iyong tungkulin, hindi paggawa nang ayon sa gusto mo, at hindi pagkilos nang walang kontrol. Ang unang pagpapamalas ng mga anticristo na nanghihimok sa iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos, ay na wala silang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino. Puwedeng sabihin ng ilan na, “Ang kawalan ng kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino ay hindi katulad ng panghihimok sa iba na sa kanila lang magpasakop.” Ang hindi magawang makipagtulungan sa sinuman ay nangangahulugang hindi nila binibigyang-pansin ang mga salita ng sinuman o hinihingi ang mga mungkahi ng sinuman—ni hindi rin nila hinahanap ang mga layunin ng Diyos o ang mga katotohanang prinsipyo. Kumikilos at umaasal lamang sila ayon sa kanilang sariling kalooban. Ano ang ipinahihiwatig nito? Sila ang naghahari sa kanilang gawain, hindi ang katotohanan, hindi ang Diyos. Kaya, ang prinsipyo ng kanilang gawain ay ang pabigyang-pansin sa iba ang sinasabi nila, at ituring ang mga ito na parang katotohanan, na parang sila ang Diyos. Hindi ba’t iyon ang kalikasan nito? Puwedeng sabihin ng ilan na, “Kung wala silang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino, marahil ito ay dahil nauunawaan nila ang katotohanan at hindi kailangang makipagtulungan.” Iyon ba ang nangyayari? Habang mas nauunawaan ng isang tao ang katotohanan at isinasagawa ito, mas marami silang pinagkukunan ng pinagtatanungan at hinahanapan kapag kumikilos sila. Mas nakikipagtalakayan at nakikipagbahaginan sila ng mga bagay-bagay sa mga tao, sa pagsisikap na mabawasan ang pinsala at ang posibilidad ng mga pagkakamali. Habang mas nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, mas marami siyang dahilan, at mas handa at mas magagawa niyang makipagtulungan sa iba. Hindi ba’t ganoon iyon? At mas ayaw o mas hindi kaya ng isang taong makipagtulungan sa iba, ang mga hindi nagbibigay-pansin sa iba, na hindi magsasaalang-alang sa mga mungkahi ng iba, na, kapag kumikilos sila, ay hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ayaw hanapin kung ang kanilang mga kilos ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo—hinahanap ng gayong mga tao ang katotohanan nang mas kaunti at nauunawaan ito nang mas kaunti. Ano ang maling pinaniniwalaan nila? “Pinili ako ng mga kapatid na maging lider nila; binigyan ako ng diyos ng tsansang ito na maging isang lider. Kaya, lahat ng ginagawa ko ay naaayon sa katotohanan—kahit anong gawin ko, tama ito.” Hindi ba’t isa itong maling pagkaunawa? Bakit sila magkakaroon ng gayong maling pagkaunawa? Isang bagay ang sigurado: Ang gayong mga tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan. At isang bagay pa: Hindi talaga nauunawaan ng gayong mga tao ang katotohanan. Wala itong kaduda-duda.

Walang kakayahan ang mga anticristo na makipagtulungan sa kahit na kanino. Isa itong seryosong problema. Anuman ang tungkulin na ginagawa ng isang anticristo, sinuman ang kanilang kapareha, palaging magkakaroon ng mga alitan at pagtatalo. Puwedeng sabihin ng ilan na, “Kung sila ang namamahala sa paglilinis at nag-aayos sila sa loob araw-araw, bakit hindi sila makikipagtulungan sa iba?” May disposisyonal na problema rito: Kung kanino man sila nakikisalamuha o kasamang gumagawa ng trabaho, palagi nila silang kukutyain, palaging ginugustong pangaralan sila, na ipagawa sa kanila ang sinasabi nila. Masasabi ba ninyong kayang makipagtulungan ng gayong tao sa iba? Wala silang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino; ito ay dahil masyadong malala ang kanilang tiwaling disposisyon. Hindi lamang sila walang kakayahang makipagtulungan sa iba, palagi rin nilang pinangangaralan at pinipigilan ang iba mula sa itaas—ninanais nila palaging maging mas mataas sa mga tao at pilitin ang kanilang pagsunod. Ito ay hindi lamang isang problema sa disposisyon—isa rin itong seryosong problema sa kanilang pagkatao. Wala silang konsensiya o katwiran. Ganito ang masasamang tao. Wala silang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino; hindi nila kayang makisama sa kahit kanino. Ano ang mga bagay na pinagsasaluhan sa pagkatao sa pagitan ng mga tao? Alin sa mga bagay na iyon ang magkakatugma? Ang konsensiya at katwiran, at ang kanilang saloobin sa pagmamahal sa katotohanan—pinagsasaluhan ang mga ito. Kung nagtataglay ang parehong partido ng gayong normal na pagkatao, magkakasundo sila; kung hindi, hindi nila ito magagawa; at kung ang isa ay nagtataglay nito at ang isa ay hindi, hindi rin nila ito magagawa. Hindi magkakasundo ang mabubuting tao at masasamang tao—hindi magkakasundo ang mababait na tao at masasamang tao. May ilang kondisyong dapat matugunan para magkasundo ang mga tao nang normal: Bago nila magawang makipagtulungan sa isa’t isa, dapat muna silang magkaroon kahit papaano ng konsensiya at katwiran, at maging matiyaga at mapagpaubaya. Kailangang magkaisa ang mga tao para magawa nilang magtulungan sa paggawa ng isang tungkulin; dapat nilang gamitin ang mga kalakasan ng iba at punan ang sarili nilang mga kahinaan, at maging matiyaga at mapagpaubaya, at magkaroon ng batayan sa kanilang asal. Ganyan ang makipagkasundo nang maayos, at kahit na puwedeng may mga alitan at pagtatalo paminsan-minsan, puwedeng magpatuloy ang pakikipagtulungan, at kahit papaano ay walang uusbong na awayan. Kung ang isang tao ay walang gayong batayan, at hindi ginagabayan ng konsensiya o hindi makatwiran, at gumagawa ng mga bagay sa paraang nakatuon sa pakinabang, tanging pakinabang ang hinahanap, ninanais palaging makinabang sa kapinsalaan ng iba, magiging imposible ang pakikipagtulungan. Ganito ang nangyayari sa masasamang tao, at sa mga diyablong hari, na nakikipaglaban sa isa’t isa, nang walang tigil. Ang iba’t ibang masamang espiritu ng espirituwal na mundo ay hindi nagkakasundo sa isa’t isa. Kahit na minsan ay puwedeng bumuo ng asosasyon ang mga demonyo, tungkol ito sa pagsasamantala sa isa’t isa para makamit ang mga sarili nilang layunin. Pansamantala ang asosasyon nila, at hindi nagtatagal, ay sinisira nila ang sarili nila. Pareho ito sa mga tao. Ang mga taong walang pagkatao ay masasamang mansanas na sumisira sa grupo; ang mga may normal na pagkatao lang ang madaling makipagtulungan, matiyaga at mapagpaubaya sa iba, nagagawang makinig sa opinyon ng iba, at nagagawang isantabi ang kanilang katayuan sa gawaing ginagawa nila, para gawin ito sa pakikipagtalakayan sa iba. Sila rin ay may mga tiwaling disposisyon, at palaging ninanais na bigyang-pansin sila ng iba—sila rin ay may ganoong layunin—pero dahil may konsensiya at katwiran sila, at kayang maghanap ng katotohanan, at kilalanin ang kanilang sarili, at nararamdamang ang paggawa nito ay hindi nararapat, kung saan nakararamdam sila ng panunuya, at nagagawa nilang pigilan ang sarili nila, ang kanilang mga paraan at pinagkukunan ng paggawa ng mga bagay-bagay ay magbabago, unti-unti. At sa gayon, magagawa nilang makipagtulungan sa iba. Nagbubunyag sila ng isang tiwaling disposisyon, pero hindi sila masasamang tao, at wala silang diwa ng mga anticristo. Hindi sila magkakaroon ng anumang malalaking problema sa pakikipagtulungan sa iba. Kung masasamang tao o mga anticristo sila, hindi nila magagawang makipagtulungan sa iba. Ganito ang lahat ng masasamang tao at mga anticristo na pinaaalis ng sambahayan ng Diyos. Wala silang kakayahang makipagtulungan sa kahit na kanino, at lahat sila ay nabubunyag at natiwalag bilang resulta. Gayumpaman maraming tao na may disposisyon ng mga anticristo, na tumatahak sa landas ng mga anticristo, na, pagkatapos dumaan sa maraming pagpupungos, ay kayang tumanggap sa katotohanan, at kayang tunay na magsisi, at kayang maging matiyaga at mapagpaubaya sa iba. Ang gayong mga tao ay may kakayahang unti-unting maayos na makipagtulungan sa iba. Ang mga anticristo lamang ang hindi nagagawang makipagtulungan sa sinuman. Gaano man karaming tiwaling disposisyon ang ibinubunyag nila, hindi nila hahanapin ang katotohanan para lutasin ito, pero mananatiling matiyaga sa sarili nilang paraan, walang prinsipyo at walang pagpipigil. Hindi lamang sa hindi nila kayang makipagtulungan nang maayos sa iba—kung nakikita nilang may nakakikilatis sa kanila at hindi nasisiyahan sa kanila, maglalayon silang pahirapan ang taong iyon, at magtataglay ng isang eksklusyonaryo at mapanlaban na saloobin sa kanila. Mananatili silang mapanlaban sa kanila, kapalit ng anumang panghihimasok sa gawain ng iglesia. Ito ay tinutukoy ng likas na diwa ng mga anticristo.

Ano ang mga aral na dapat ninyong matutunan sa pagsasanay para makipagtulungan nang maayos? Ang matutong makipagtulungan ay isang elemento ng pagsasagawa ng pagmamahal sa katotohanan, at isang tanda rin nito. Ito ay isang paraan kung saan naipamamalas ang pagkakaroon ng isang tao ng konsensiya at katwiran. Puwede mong sabihing mayroon kang konsensiya, dignidad, at pagkamakatwiran, pero kung hindi mo kayang makipagtulungan sa sinuman, at hindi kayang makisama sa iyong pamilya, sa mga tagalabas, o sa mga kaibigan, at gumuguho ang iyong mga pakikipag-ugnayan, at may walang katapusang pagtatalo sa mga gawaing pinagsasaluhan, na nagiging mga kaaway mo—kung hindi mo kailanman magagawang makipagkasundo sa sinuman, nasa panganib ka. Kung ang gayong pag-uugali ay kabilang sa mga pag-uugali ng lahat ng iyong tiwaling disposisyon, o isa sa lahat mong pag-uugali na hindi umaayon sa katotohanan, at hindi hihigit sa isang pag-uugali, isang pag-uugaling alam mo, at na tungkol dito ay palagi kang naghahanap at nagbabago, mayroon ka pa ring tsansa. May puwang pa rin para sa kaligtasan; hindi ito isang malaking problema. Pero kung likas kang isang taong tulad nito, likas na hindi nakakasundo ng sinuman, at walang silbi ang anumang usapan tungkol dito—hindi mo talaga ito napipigilan—iyon ay isang seryosong problema. Kung hindi mo ito itinuturing bilang isang bagay na dapat pansinin, gaano man ibinabahagi ang katotohanan sa iyo, pero pakiramdam mo na ang problema ay hindi isang malaking bagay, na ito ay iyong normal na buhay, ang pangunahing paraan kung saan naipamamalas ang iyong tiwaling disposisyon, ang sa iyo ay ang diwa ng isang anticristo. At kung iyon ang diwa mo, iyon ay ibang usapin kaysa sa kung tatahakin mo ang landas ng mga anticristo. Ang ilang tao ay tumatahak sa landas ng mga anticristo, at ang ilan ay mga anticristo mismo. Wala bang pagkakaiba roon? (Mayroon.) Ang mga tumatahak sa landas ng mga anticristo ay nagpapakita ng mga pag-uugali ng mga anticristo sa kanilang mga pagkilos; magbubunyag sila ng disposisyon ng isang anticristo nang medyo mas kapansin-pansin at mas halata kaysa sa karaniwang tao, pero nagagawa pa rin nila ang gawaing naaayon sa katotohanan, may pagkatao, at may pagkamakatwiran. Kung ang isang tao ay hindi talagang nakagagawa ng anumang positibong gawain, at sa halip ang ginagawa niya ay ang mga pag-uugaling ito ng mga anticristo, ang mga pagbubunyag na ito ng diwa ng isang anticristo—kung ang lahat ng gawaing ginagawa niya at mga tungkuling ginagampanan niya ay gayong mga pagbubunyag, nang walang anumang bagay na naaayon sa katotohanan—sa gayong kaso, siya ay anticristo.

Noon, madalas na magbunyag ang ilang lider at manggagawa ng mga disposisyon ng isang anticristo: Matitigas ang ulo nila at sinusunod ang sarili nilang kagustuhan, at laging ang paraan nila ang gusto nilang masunod. Ngunit hindi sila gumawa ng anuman na halatang masama at hindi malubha ang kanilang pagkatao. Sa pamamagitan ng pagpupungos, sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila ng mga kapatid, sa pamamagitan ng paglipat o pagpapalit sa kanila, sa pamamagitan ng pagiging negatibo nang ilang panahon, sa wakas ay nalaman nila na ang ipinakita nila dati ay mga tiwaling disposisyon, naging handa silang magsisi, at iniisip na, “Ang pinakamahalaga ay magpursige sa paggawa ng aking tungkulin, anuman ang mangyari. Bagama’t tumatahak ako sa landas ng isang anticristo, hindi ako naklasipika bilang gayon. Ito ang habag ng Diyos, kaya kailangan kong magsikap sa aking pananampalataya at hangarin. Walang mali sa landas ng paghahanap sa katotohanan.” Unti-unti, ibinabaling nila ang kanilang mga sarili, at sila ay nagsisisi. May mga mabubuting namamalas sa kanila, nagagawa nilang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin, at hinahanap din nila ang mga katotohanang prinsipyo kapag nakikisalamuha sa iba. Sa bawat bagay, pumapasok sila sa isang positibong direksiyon. Hindi pa ba sila nakapagbago? Pumihit na sila mula sa pagtahak sa landas ng mga anticristo tungo sa pagtahak sa landas ng pagsasagawa at paghahanap sa katotohanan. May pag-asa at pagkakataon pa para sa kanila na mailigtas. Maihahanay mo ba ang gayong mga tao bilang mga anticristo dahil sila ay nagpakita noon ng ilang pagpapamalas ng isang anticristo o nilakaran ang landas ng mga anticristo? Hindi. Mas gugustuhin pa ng mga anticristo na mamatay kaysa magsisi. Wala silang kahihiyan; bukod pa riyan, malulupit sila at buktot ang kanilang disposisyon, at tutol sila sa katotohanan sa sukdulan. Kaya ba ng isang taong tutol sa katotohanan na isagawa iyon, o magsisi? Imposible iyan. Ang ibig sabihin ng ganap silang tutol sa katotohanan ay hinding-hindi sila magsisisi. May isang bagay na tiyak tungkol sa mga taong nagagawang magsisi, at ito ay ang nakagawa sila ng mga pagkakamali subalit nagagawang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, nagagawang tanggapin ang katotohanan, at nagagawang subukan sa abot ng kanilang makakaya na makipagtulungan kapag ginagawa ang mga tungkulin nila, tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang personal nilang kawikaan, at ginagawa nilang realidad ng kanilang mga buhay ang mga salita ng Diyos. Tinatanggap nila ang katotohanan, at sa kaibuturan nila, hindi sila tutol dito. Hindi ba ito ang pagkakaiba? Ito ang pagkakaiba. Ang mga anticristo, gayumpaman, ay hindi tumitigil sa pagtangging mapungusan—hindi sila makikinig sa sinuman na ang mga salita ay naaayon sa katotohanan, at hindi sila nananalig na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, ni hindi nila kinikilala na gayon ang mga ito. Ano ang kalikasan nila? Isa itong pagiging tutol sa katotohanan at pagkamuhi rito, sa matinding antas. Kapag ang sinuman ay nakikipagbahaginan sa katotohanan o nagsasalita tungkol sa patotoong batay sa karanasan, labis silang naiinis dito, at mapanlaban sila sa taong nakikipagbahaginan. Kung ang isang tao sa iglesia ay nagpapalaganap ng iba’t ibang walang katotohanan at masasamang argumento, nagsasabi ng mga kakatwa at walang katotohanang bagay, lubos itong nagpapasaya sa kanila; agad silang sasali at lulublob sa burak kasama nila, sa malapit na kolaborasyon. Isang kaso ito ng pagsasama-sama ng mga ibong may magkakatulad na balahibo, ng katulad na naghahanap ng katulad. Kung maririnig nila ang mga hinirang na tao ng Diyos na nakikipagbahaginan sa katotohanan o nagsasalita tungkol sa patotoong batay sa karanasan ng kanilang kaalaman sa sarili at taos-pusong pagsisisi, ito ay nagdudulot sa kanilang mabalisa hanggang sa pagkagalit, at humahantong sila sa pag-iisip kung paano ihihiwalay at aatakihin ang taong iyon. Sa madaling salita, hindi sila magiliw sa sinumang naghahangad sa katotohanan. Gusto nilang ihiwalay ang mga ito at maging kaaway nila. Ang sinumang bihasa sa pagpapakitang-gilas sa pamamagitan ng pangangaral ng mga salita at doktrina, gustong-gusto nila ang mga ito at lubos nilang sinasang-ayunan, na para bang nakakita sila ng isang mapagkakatiwalaan at kapwa manlalakbay. Kung sasabihin ng isang tao, “Sinuman ang gumagawa ng pinakamaraming gawain at gumagawa ng pinakamalaking kontribusyon ay gagantimpalaan nang malaki at kokoronahan, at maghahari kasama ng diyos,” masasabik sila nang walang katapusan, sa bugso ng mainit na dugo. Mararamdaman nilang mas mataas sila sa iba, na sa wakas ay namumukod-tangi sila sa karamihan, na mayroon na ngayong puwang para sa kanila na ipakita ang kanilang sarili at ipakita ang kanilang halaga. Lubos silang masisiyahan pagkatapos. Hindi ba’t iyon ay pagiging tutol sa katotohanan? Ipagpalagay na sasabihin mo sa kanila sa pagbabahaginan na, “Hindi gusto ng Diyos ang mga taong tulad ni Pablo, at pinakanasusuklam Siya sa mga taong tumatahak sa landas ng mga anticristo, at sa mga taong buong araw na umiikot na nagsasabi, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba’t marami akong ginawa para sa Iyo?’ Nasusuklam Siya sa mga taong buong araw na humihiling sa Kanya ng gantimpala at korona.” Ang mga salitang ito ay tiyak na totoo, pero anong damdamin ang natitira sa kanila kapag naririnig nila ang gayong pagbabahaginan? Sinasabi ba nila ang amen sa at tinatanggap ang gayong mga salita? Ano ang una nilang reaksiyon? Pagkasuklam sa puso at hindi kagustuhang makinig—ang ibig nilang sabihin ay, “Paano ka nakakasigurado sa sinasabi mo? Ikaw ba ang may huling salita? Hindi ako naniniwala sa sinasabi mo! Gagawin ko ang gagawin ko. Magiging katulad ako ni Pablo at hihingi sa diyos ng korona. Sa ganoong paraan, pagpapalain ako, at magkaroon ng magandang destinasyon!” Pinagpipilitan nilang panatilihin ang mga pananaw ni Pablo. Hindi ba’t nakikipaglaban sila sa Diyos? Hindi ba’t iyon ay halatang pagsalungat sa Diyos? Isiniwalat at hinimay ng Diyos ang diwa ni Pablo; Marami Siyang sinabi tungkol dito, at ang bawat bahagi nito ay katotohanan—pero hindi tinatanggap ng mga anticristo na ito ang katotohanan o ang katotohanang ang lahat ng mga kilos at pag-uugali ni Pablo ay salungat sa Diyos. Sa isipan nila, kinukuwestiyon pa rin nila: “Kung may sinasabi kang isang bagay, ibig sabihin nito ay totoo ito? Ano ang batayan? Para sa akin, mukhang tama ang sinabi at ginawa ni Paul. Walang mali rito. Naghahangad ako ng korona at gantimpala—iyon ang kaya ko! Mapipigilan mo ba ako? Ipagpapatuloy ko ang paggawa ng gawain; kapag marami na akong nagawa, magkakaroon ako ng kapital—nakapagbigay na ako ng kontribusyon, at sa gayon, makapapasok ako sa kaharian ng langit at magagantimpalaan. Walang mali roon!” Ganoon katigas ang ulo nila. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Puwede kang makipagbahaginan ng katotohanan sa kanila, pero hindi nila ito tatanggapin; tutol sila rito. Iyan ang saloobin ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at ito rin ang kanilang saloobin sa Diyos. Kaya, ano ang pakiramdam ninyo kapag naririnig ninyo ang katotohanan? Pakiramdam ninyo ay hindi ninyo hinahangad ang katotohanan, at hindi ninyo ito nauunawaan. Pakiramdam ninyo ay napakalayo pa ninyo rito, at kailangan ninyong magsikap tungo sa katotohanang realidad. At sa tuwing inihahambing ninyo ang inyong sarili sa mga salita ng Diyos, doon ninyo nararamdamang masyado kayong nagkukulang, at may mababang kakayahan, at kulang sa espirituwal na pang-unawa—na pabasta-basta pa rin kayo, at na mayroon pa ring kabuktutan sa inyo. At pagkatapos, nagiging negatibo kayo. Hindi ba’t iyan ang inyong kalagayan? Ang mga anticristo, sa kabilang banda, ay hindi kailanman negatibo. Palagi silang napakasigasig, hindi kailanman nagninilay sa kanilang sarili o nakikilala ang kanilang sarili, pero iniisip na wala silang malalaking problema. Ganito ang mga taong palaging mayabang at mapagmagaling—sa sandaling makakuha sila ng kapangyarihan, nagiging mga anticristo sila.

II. Isang Paghihimay sa Kung Paano Palaging May Pagnanais at Ambisyon ang mga Anticristo na Kontrolin at Lupigin ang mga Tao

Magpapatuloy tayo sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa susunod na aytem: Ang mga anticristo ay palaging may pagnanais at ambisyon na kontrolin at lupigin ang mga tao. Ang problemang ito ay mas seryoso kaysa sa kawalan nila ng kakayahang makipagtulungan sa sinuman. Anong uri ng mga tao ang masasabi ninyong gustong kinokontrol at sinasakop ang iba? Anong uri ng tao ang may ambisyon at pagnanais na kontrolin at sakupin ang iba? Bibigyan Ko kayo ng isang halimbawa. Nasisiyahan ba sa pagkontrol at pagsakop sa iba ang mga taong partikular na gusto ng katayuan? Hindi ba’t kauri sila ng mga anticristo? Nililihis, kinokontrol, at sinusupil nila ang ibang mga tao, na pagkatapos ay sumasamba at nakikinig sa kanila. Sa ganoon ay nakakamit nila ang pagpapahalaga at paggalang ng mga tao, at nahihimok ang mga tao na sumamba at tumingala sa kanila. Wala bang lugar para sa kanila sa puso ng mga tao? Kung ang mga tao ay hindi nakumbinsi sa kanila at hindi sumasang-ayon sa kanila, sasambahin ba sila ng mga ito? Talagang hindi. Kaya, pagkatapos magkaroon ng katayuan ang mga taong ito, kailangan pa rin nilang kumbinsihin ang iba, para lubos na makuha ang mga ito, at mapahanga sa kanila ang mga ito. Saka lamang sila sasambahin ng mga tao. Isa iyong uri ng tao. May isa pa—ang mga partikular na mayabang. Tinatrato nila ang mga tao sa parehong paraan: Nagsisimula sila sa pamamagitan ng pagsupil sa mga tao, pinasasamba at pinahahanga sa kanila ang lahat. Saka lang sila nasisiyahan. Gusto rin ng mga napakalupit na taong ito na kontrolin ang iba, hinihimok ang mga tao na pakinggan sila, maging nasa impluwensiya nila, at gumawa ng mga bagay para sa kanila. Pagdating sa parehong napakayayabang na tao at mga taong may mga malupit na disposisyon, kapag nakuha na nila ang kapangyarihan, nagiging mga anticristo sila. Ang mga anticristo ay palaging may ambisyon at pagnanais na kontrolin at sakupin ang iba; sa kanilang mga pakikipagtagpo sa mga tao, palagi nilang ninanais na tiyakin kung paano sila nakikita ng iba, at kung may lugar para sa kanila sa puso ng iba, at kung hinahangaan at sinasamba sila ng iba. Kung nakatatagpo sila ng isang taong magaling sa paninipsip, pambobola at panlalangis, sobra silang natutuwa; pagkatapos ay nagsisimula silang magmataas, nangangaral sa mga tao at sumasatsat tungkol sa magagarbong ideya, tinuturuan ang mga tao ng mga regulasyon, pamamaraan, doktrina, at mga kuru-kuro. Pinatatanggap nila sa mga tao ang mga bagay na ito bilang katotohanan, at pinagmumukha pang maganda ang mga ito: “Kung matatanggap mo ang mga bagay na ito, isa kang taong nagmamahal at naghahangad sa katotohanan.” Iisipin ng mga taong hindi marunong kumilatis na makatwiran ang mga sinasabi nila, at kahit na hindi ito malinaw sa kanila, at hindi nila alam kung naaayon ba ito sa katotohanan, pakiramdam lang nila na walang mali sa sinasabi nila, at na hindi ito lumalabag sa katotohanan. At kaya, sinusunod nila ang mga anticristo. Kung makikilatis ng isang tao ang isang anticristo at mailalantad siya, gagalitin nito ang anticristo, na basta na lang ibubunton sa kanya ang sisi, hahatulan siya, at pagbabantaan siya, nang may pagpapakita ng puwersa. Ang mga walang pagkilatis ay lubusang nasusupil ng anticristo at hinahangaan nila ito mula sa kaibuturan ng kanilang puso, na nagdudulot sa pagsamba nila sa anticristo, pagsandig sa kanya, at maging pagkatakot sa kanya. May pakiramdam sila na inaalipin sila ng anticristo, na para bang hindi mapapalagay ang puso nila kung mawawala sa kanila ang pamumuno, mga pangaral, at mga pamumuna ng anticristo. Kung wala ang mga bagay na ito, para bang wala silang pakiramdam ng seguridad, at baka hindi na sila gustuhin ng Diyos. Pagkatapos, natutunan ng lahat na panoorin ang ekspresyon ng anticristo kapag kumikilos sila, sa takot na hindi magiging maligaya ang anticristo. Sinusubukan ng lahat na pasayahin siya; ang gayong mga tao ay determinadong sumunod sa anticristo. Sa kanilang gawain, nangangaral ang mga anticristo ng mga salita at doktrina. Mahusay silang magturo sa mga tao na sumunod sa ilang partikular na regulasyon; hindi nila kailanman sinasabi sa mga tao kung ano ang mga katotohanang prinsipyo na dapat nilang sundin, kung bakit dapat silang kumilos nang ganito, kung ano ang mga layunin ng Diyos, kung anong mga pagsasaayos ang ginawa ng sambahayan ng Diyos para sa gawain, kung ano ang pinakamakabuluhan at mahalagang gawain, o kung ano ang pangunahing gawain na dapat gawin. Walang sinasabing anuman ang mga anticristo tungkol sa mahahalagang bagay na ito. Hindi sila kailanman nakikipagbahaginan sa katotohanan kapag gumagawa at nagsasaayos ng gawain. Sila mismo ay hindi nakauunawa sa mga katotohanang prinsipyo, kaya ang magagawa lang nila ay turuan ang mga tao na sumunod sa ilang regulasyon at doktrina—at kung ang mga tao ay kokontra sa kanilang mga kasabihan at regulasyon, haharapin nila ang pagsaway at pagbatikos ng mga anticristo. Madalas na gumagawa ang mga anticristo sa ilalim ng bandila ng sambahayan ng Diyos, binabatikos ang iba at pinangangaralan sila mula sa isang mataas na posisyon. Masyado pa ngang nalilito ang ilang tao sa kanilang pangangaral na pakiramdam nila ay may utang na loob sila sa Diyos sa hindi nila pagkilos nang naaayon sa mga hinihingi ng mga anticristo. Hindi ba’t napasailalim sa kontrol ng mga anticristo ang gayong mga tao? (Napasailalim sila.) Anong uri ng pag-uugali ito, sa bahagi ng mga anticristo? Pag-uugali ito ng pang-aalipin. Ang “pang-aalipin” ay tinatawag na “brainwashing” sa mga salita ng bansa ng malaking pulang dragon. Katulad na lang ito kapag hinuhuli ng malaking pulang dragon ang mga mananampalataya sa Diyos. Bukod sa pagpapahirap sa kanila, gumagamit pa ito ng ibang pamamaraan: brainwashing. Mga magsasaka, o manggagawa, o intelektuwal man sila, ginagamit ng malaking pulang dragon ang marami nitong maling pananampalataya at panlilinlang—ateismo, ebolusyon, at Marxismo-Leninismo—para i-brainwash ang mga tao; puwersahang itinuturo ang mga bagay na ito sa mga tao, gaano man kasuklam-kasuklam o nakapandidiri ang tingin ng mga taong iyon sa mga ito, pagkatapos ay ginagamit ang mga ideya at teoryang ito para igapos ang mga paa ng mga tao at kontrolin ang kanilang puso. Ganito pinipigilan ng malaking pulang dragon ang mga tao na manalig sa Diyos, mula sa pagtanggap ng katotohanan, at mula sa paghahangad sa katotohanan para mailigtas at maperpekto. Sa parehong paraan, gaano man karaming sermon ang napakikinggan ng mga taong kontrolado ng mga anticristo, hindi nila maunawaan ang katotohanan, o kung para saan talaga ang pananalig sa Diyos, o kung anong uri ng landas ang dapat nilang tahakin, o ang tamang pananaw na dapat nilang taglayin sa paggawa ng bawat bagay, o ang paninindigan na dapat nilang taglayin. Wala silang nauunawaan sa mga bagay na ito; ang lahat lang ng nasa puso nila ay ang mga salita at doktrina, at ang mga hungkag na teorya ng mga anticristo. At pagkatapos mailigaw at kontrolin ng mga anticristo sa mahabang panahon, sila ay nagiging ganap na katulad ng mga ito: Naging mga tao silang nananalig sa Diyos, pero hindi talaga tumatanggap sa katotohanan, at tumututol at lumalaban pa nga sa Diyos. Anong uri ng mga tao ang mga naliligaw at kinokontrol ng mga anticristo? Walang duda, walang sinuman sa kanila ang nagmamahal sa katotohanan—lahat sila ay mga mapagpaimbabaw, mga taong hindi naghahangad sa katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos at na hindi humaharap sa mga wastong usapin sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Sa kanilang pananalig sa Diyos, hindi sumusunod ang mga taong ito sa Diyos; sa halip ay sumusunod sila sa mga anticristo, nagiging alipin sila ng mga anticristo, at bilang resulta ay hindi nila makakamit ang katotohanan. Ang kinalabasan na ito ay hindi maiiwasan.

Ano ang prinsipyo ng Diyos sa pagtrato sa mga tao? Puwersa ba ito? Kontrol ba ito? Hindi—ito ay ang eksaktong kabaligtaran ng kontrol. Ano ang prinsipyo ng Diyos sa kung paano Niya tinatrato ang mga tao? (Binibigyan Niya sila ng kalayaang pumili.) Oo, binibigyan ka Niya ng kalayaang pumili. Binibigyang-kakayahan ka Niya na makaabot sa sarili mong pang-unawa sa gitna ng mga kapaligirang inilalatag Niya, para natural kang makagawa ng pang-unawa at karanasan ng tao. Binibigyang-kakayahan ka Niyang maunawaan nang natural ang isang aspekto ng katotohanan, para kapag nakatagpo kang muli ng gayong kapaligiran, alam mo kung ano ang gagawin at kung ano ang pipiliin. Binibigyang-kakayahan ka rin Niyang maunawaan kung ano ang tama at kung ano ang mali, mula sa kaibuturan ng iyong puso, para sa huli ay mapipili mo ang tamang landas. Hindi ka kinokontrol ng Diyos, at hindi ka Niya pinupuwersa. Ang isang anticristo, gayumpaman, ay kumikilos sa eksaktong kabaligtaran: Ibe-brainwash at tuturuan ka niya ng doktrina sa pamamagitan ng panlilihis sa iyo, pagkatapos ay gagawin ka niyang alipin. Bakit ginagamit Ko ang salitang “alipin”? Ano ang alipin? Nangangahulugan ito na hindi mo makikilatis kung tama o mali ang anticristo, at hindi ka mangangahas na gawin ito—hindi mo malalaman kung tama siya o mali; malilito at magugulo ang iyong puso. Hindi magiging malinaw sa iyo kung ano ang tama at kung ano ang hindi; hindi mo malalaman kung ano ang dapat at hindi dapat gawin. Maghihintay ka lang na parang papet para sa mga tagubilin ng anticristo, hindi nangangahas na kumilos kung hindi ibinibigay ng anticristo ang salita, at nangangahas lamang na kumilos kapag narinig mo na ang mga utos niya. Mawawala ang iyong sariling likas na kakayahan, at hindi gagampanan ng iyong kalayaang pumili ang papel nito. Magiging isang patay na tao ka. Magkakaroon ka ng puso, pero hindi ka makapag-iisip; magkakaroon ka ng isip, pero hindi mo maisasaalang-alang ang mga problema—hindi mo malalaman ang tama sa mali, o kung anong mga bagay ang positibo at kung ano ang negatibo, o kung ano ang tamang paraan ng pagkilos at kung ano ang maling paraan ng pagkilos. Hindi nahahalata, nakontrol ka na ng anticristo. Ano ang kokontrolin niya? Ito ba ay ang iyong puso, o ito ba ang iyong isipan? Ito ay ang iyong puso; pagkatapos ay natural na mapapasailalim sa kontrol niya ang iyong isipan. Itatali niya nang mahigpit ang iyong mga paa’t kamay, bibigkisin ang mga ito nang mabilis at matatag, para sa bawat hakbang na iyong gagawin, malulugmok ka sa pag-aalinlangan at pagdududa, at uurong ka pagkatapos; at pagkatapos ay gugustuhin mong gumawa ng isa pang hakbang, para gumawa ng ilang pagkilos, pero uurong kang muli. Sa bawat bagay na gagawin mo, magiging maulap at hindi malinaw ang iyong paningin. Hindi ito maihihiwalay sa mga mapanlihis na pahayag ng anticristo. Ano ang pangunahing pamamaraan kung paano kinokontrol ng mga anticristo ang mga tao? Ang sinasabi lang nila ay mga bagay na naaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, sa mga damdamin ng mga tao, at sa pangangatwiran ng tao. Parang may kaunti silang pagkatao kapag nagsasalita sila, pero hindi sila nagtataglay ng anumang katotohanang realidad. Sabihin mo sa Akin, magagawa ba ng mga taong kinokontrol ng mga anticristo at sumusunod sa mga ito ang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos nang buong puso at buong lakas nila? (Hindi.) Ano ang dahilan sa likod niyon? Hindi nila nauunawaan ang katotohanan—iyon ang pangunahing dahilan. At may isa pang dahilan: Ang mga anticristo ay nakikilahok sa mga tunggalian sa kapangyarihan; hindi nila isinasagawa ang katotohanan sa paggawa ng kanilang tungkulin, ni hindi nila ginagawa ito nang buong puso at lakas nila. Kaya bang isagawa ng kanilang mga alalay ang katotohanan, kung gayon? Anuman ang uri ng isang anticristo, ang mga alalay nilang sumusunod sa kanila ay magiging ganoon din. Nangunguna ang mga anticristo sa hindi pagsasagawa ng katotohanan, sa pagsalungat sa mga prinsipyo, sa pagtataksil sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, sa pagiging hindi makatwiran at pagkilos na parang mga diktador. Bigo kaya nitong maapektuhan ang kanilang mga alalay? Talagang walang paraan na magagawa ito. Kaya, ano ang mangyayari sa mga taong iyon na pinipigilan at kinokontrol nila? Mag-iingat sila laban sa isa’t isa, maghihinala sila sa isa’t isa at makikipag-away sa isa’t isa—nagkukumpitensya para sa katanyagan at pakinabang, para sa isang pagkakataong sumikat, at para sa kapital. Sa kaibuturan, ang lahat na kontrolado ng isang anticristo ay hindi nagkakasundo at hindi na nagkakaisa. Maingat at mapagbantay sila sa kanilang mga pagkilos; hindi sila bukas sa isa’t isa, at wala silang mga normal na relasyon ng tao sa isa’t isa. Walang normal na pagbabahaginan sa pagitan nila, walang pagdadasal-pagbabasa, walang normal na espirituwal na buhay. Watak-watak sila, katulad lang ng mga walang pananampalataya at satanikong grupong naroroon sa mundo. Ganyan kapag ang isang anticristo ang nasa kapangyarihan. May pagiging mapagbantay sa pagitan ng mga tao, mga bukas at nakatagong pakikibaka, pananabotahe, selos, panghuhusga, at pagkukumpara sa kung sino ang umaako ng mas kaunting responsabilidad: “Kung hindi ka aako ng responsabilidad, hindi ko rin gagawin. Sa anong batayan na gusto mong isaalang-alang ko ang mga interes ng sambahayan ng diyos, kung ikaw mismo ay hindi nagsasaalang-alang sa mga ito? Hindi ko na lang isasaalang-alang ang mga ito, kung ganoon!” Ang ganoong lugar ba ay sambahayan ng Diyos? Hindi. Anong uri ng lugar ito? Ito ay kampo ni Satanas. Hindi naghahari ang katotohanan doon; wala itong gawain ng Banal na Espiritu, o pagpapala ng Diyos, o Kanyang pamumuno. At kaya, bawat isa sa mga tao roon ay parang maliliit na demonyo. Sa panlabas, magandang pakinggan ang mga salita ng papuri na sinasabi nila tungkol sa iba: “O, talagang mahal nila ang diyos; talagang naghahandog sila; talagang nagdurusa sila sa paggawa ng kanilang tungkulin!” Pero pagawain mo sila ng pagsusuri sa isang tao, at kung ano ang sasabihin nila sa iyo sa likod niya ay magiging iba sa kung ano ang sinasabi nila sa kanyang presensiya. Kung ang mga kapatid ay mapasaasakamay ng isang huwad na lider, magiging watak-watak sila tulad ng isang tumpok ng buhaghag na buhangin sa pagganap ng kanilang mga tungkulin—hindi sila makakukuha ng mga resulta, at hindi sila magkakaroon ng gawain ng Banal na Espiritu, at karamihan sa kanila ay hindi maghahangad ng katotohanan. Paano kung napasailalim sila, kung gayon, sa kontrol ng isang anticristo? Hindi na matatawag ang mga tao na iyon na iglesia. Ganap silang mapabibilang sa kampo ni Satanas, at sa gang ng anticristo.

Bakit palaging gustong kontrolin ng mga anticristo ang mga tao? Ito ay dahil hindi nila pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at wala silang pakialam sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang tanging pagsasaalang-alang nila ay para sa sarili nilang kapangyarihan, katayuan, at katanyagan. Naniniwala sila na hangga’t may kontrol sila sa puso ng mga tao at napasasamba ang lahat sa kanila, matutupad ang kanilang ambisyon at pagnanais. Tungkol sa mga usaping may kinalaman sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o sa gawain ng iglesia, o sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, wala talaga silang pakialam sa mga bagay na iyon. Kahit umusbong pa ang mga problema, hindi nila nakikita ang mga ito. Hindi nila nakikita ang mga problema gaya ng kung saan hindi naaangkop sa sambahayan ng Diyos ang mga pagsasaayos ng mga tauhan; o kung saan hindi makatwiran ang pamamahagi ng mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos, na masyadong marami sa mga ito ang nawala, pati na rin ang kung sino ang nagwaldas nito; o kung sino ang nagdudulot ng mga pagkagambala at panggugulo sa kanilang gawain; o kung sino ang hindi angkop na gumagamit ng mga tao; o kung sino ang pabasta-basta sa kanilang gawain—at lalong hindi nila inaasikaso ang gayong mga problema. Ano ang inaasikaso nila? Anong mga bagay ang pinakikialaman nila? (Maliliit na bagay.) Anong uri ng mga bagay ang maliliit na bagay? Magbigay ng ilang detalye. (Magsisimulang lutasin ng ilang lider ang mga usapin sa tahanan ng mga partikular na kapatid—halimbawa, may isang tao sa kanilang pamilya ang hindi nakakasundo ang iba. Ito ay mga usapin lamang ng pang-araw-araw na buhay.) Iyan ay isang bagay na ginagawa ng mga huwad na lider. At ano ang ginagawa ng mga anticristo? (Wala silang pakialam sa buhay pagpasok ng mga kapatid, o sa mga bagay na labag sa mga katotohanang prinsipyo; pinapansin lang nila ang mga bagay na nakaaapekto sa kanilang dangal at katayuan—halimbawa, ang mga taong hindi ginagawa ang sinasabi ng mga ito, o ilang tao na ayaw sa kanila. Inaasikaso nila ang ganyang mga bagay.) Iyan ay bahagi nito. Nangyayari ang gayong mga bagay. Tinitingnan ng mga anticristo kung sino ang may hindi kanais-nais na presensiya sa kanila, kung sino ang hindi nagpapahalaga sa kanila, at kung sino ang nakakikilatis sa kanila. Nakikita nila ang mga bagay na ito at tinatandaan ang mga ito; napakahalaga ng gayong mga bagay sa kanila. Ano pa? (Kung ang taong inihalal sa ilang iglesia ay may pagkilatis sa kanila at hindi nila kaisa sa isip, maghahanap sila ng mga paraan para hanapin ang pagkakamali ng taong iyon, at papalitan ito. Gusto nilang ginagawa ang ganoong bagay.) Anuman ang mga pagkakamali o problema na mayroon ang isang taong gumagawa ng masasamang bagay, o gaano man ito nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, hindi ito pinapansin ng isang anticristo—partikular niyang hinahanapan ng kamalian ang mga taong gumagawa ng kanilang tungkulin at ang mga naghahangad sa katotohanan, naghahanap ng mga pangangatwiran at palusot para mapalitan ang mga taong iyon. May isa pang pangunahing paraan kung saan naipamamalas ang pagkontrol ng mga anticristo sa iba: Bukod sa pagkontrol sa mga ordinaryong kapatid, sinisikap nilang kontrolin ang mga taong namamahala sa bawat aspekto ng gawain. Palagi nilang ninanais na hawakan ang lahat ng kapangyarihan sa sarili nilang kapit. Kaya, nagtatanong sila tungkol sa lahat ng bagay; binabantayan at minamatyagan nila ang lahat ng bagay, para makita kung paano ginagawa ng mga tao ang mga bagay-bagay. Hindi talaga sila nakikipagbahaginan sa mga katotohanang prinsipyo sa mga tao, o binibigyan ang mga tao ng kalayaang kumilos. Gusto nilang gawin ng lahat ang sinasabi nila at magpasakop sa kanila. Palagi silang natatakot na maipakakalat ang kapangyarihan nila at makukuha ng ibang tao. Kapag tinatalakay ang isang isyu, gaano man karaming tao ang nakikipagbahaginan tungkol dito o kung anong mga resulta ang ibinubunga ng kanilang pagbabahaginan, tatanggihan nilang lahat ang mga ito kapag nakarating ito sa kanila, at kailangang simulan muli ang talakayan. At ano ang huling resulta nito? Hindi pa tapos ang mga bagay-bagay hangga’t hindi pinakikinggan ng lahat ang mga ito, at kung hindi pa iyon nangyari, kailangan nilang magpatuloy sa pagbabahaginan. Kung minsan ay nagpapatuloy ang pagbabahaginang ito hanggang sa hatinggabi, nang walang sinumang pinahihintulutang matulog; hindi ito natatapos hangga’t hindi pinakikinggan ng iba ang sinasabi nila. Ito ay isang bagay na ginagawa ng mga anticristo. Mayroon bang mga taong naniniwala na sa paggawa nito, inaako ng isang anticristo ang responsabilidad para sa gawain? Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pag-ako ng responsabilidad para sa gawain at ng despotismo ng mga anticristo? (Ito ay isang pagkakaiba sa layunin.) Kapag nagiging maingat at responsable ang mga tao sa gawain, ginagawa nila ito para malinaw na maibahagi ang mga katotohanang prinsipyo, para maunawaan ng lahat ang katotohanan. Ang mga anticristo, sa kabilang banda, ay kumikilos na parang mga diktador para mapanatili ang kapangyarihan, para magkamit ng kalamangan, para pabulaanan ang lahat ng pananaw na naiiba sa kanilang mga opinyon at puwedeng maging sanhi ng pagkapahiya nila. Wala bang pagkakaiba ang mga layuning ito? (Mayroon.) Ano ang iba sa mga ito? Makikilatis mo ba iyon? Ang pagpapaunawa sa mga tao sa mga katotohanang prinsipyo sa pamamagitan ng pagbabahaginan, at pakikipagtagisan para sa pagpapahalaga—ano ang pagkakaiba ng dalawa? (Mga layunin.) Hindi lang mga layunin—siyempre magkaiba ang mga layunin. (Ang isa sa mga pamamaraang ito ay higit na magiging kapaki-pakinabang sa sambahayan ng Diyos.) Ang pagiging mas kapaki-pakinabang ng isa sa mga ito sa sambahayan ng Diyos ay isa pang pagkakaiba—kung isasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Pero ano ang pangunahing pagkakaiba, ganoon pa man? Kapag tunay na nakikipagbahaginan sa katotohanan ang isang tao, malinaw ito kapag narinig mong hindi ito isang personal na pangangatwiran o pagtatanggol. Ang pinagbabahaginan lang nila ay nakaukol para maipaunawa sa lahat ang mga layunin ng Diyos, ang lahat ng ito ay patotoo sa mga layunin ng Diyos. Ginagawang malinaw ng gayong pagbabahaginan ang mga katotohanang prinsipyo, at pagkatapos marinig ito, nagkakaroon ng landas pasulong ang mga tao—alam nila kung ano ang mga prinsipyo, alam nila kung ano ang dapat nilang gawin sa hinaharap, malamang na hindi sila sasalungat sa mga prinsipyo sa paggawa ng tungkulin nila, at ang layunin ng kanilang pagsasagawa ay magiging mas tumpak. Ang ganoong pagbabahaginan ay hindi nababahiran ng kahit katiting na personal na pangangatwiran o pagtatanggol. Pero paano nangangaral ang mga taong iyon, na gustong gawing pabor sa kanila ang mga bagay-bagay at ipasailalim ang iba sa kanilang kontrol? Ano ang ipinangangaral nila? Ipinangangaral nila ang tungkol sa pagbibigay-katwiran nila sa kanilang sarili, at ang mga kaisipan, layunin, at mithiin sa likod ng anumang ginawa nila, para tanggapin ito ng mga tao, paniwalaan ito, at hindi magkaroon ng maling pagkaunawa sa mga ito. Ang lahat ng ito ay pagbibigay-katwiran lang sa sarili; wala talagang katotohanan dito. Kung makikinig kang mabuti, maririnig mo na walang katotohanan sa kanilang pinagbabahaginan—ang lahat ng ito ay mga kasabihan, palusot, at pangangatwiran ng tao. Iyon lang iyon. At pagkatapos nilang magsalita, nauunawaan ba ng lahat ang mga prinsipyo? Hindi—pero naunawaan nila nang bahagya ang tungkol sa mga layunin ng tagapagsalita. Ito ang kaparaanan ng mga anticristo. Ganito nila kinokontrol ang mga tao. Sa sandaling maramdaman nila na ang kanilang katayuan at katanyagan ay dumanas ng kawalan at naapektuhan sa loob ng grupo, agad silang tumatawag ng isang pagtitipon para subukang isalba ang mga ito, sa anumang paraang kaya nila. At paano nila isinasalba ang mga bagay na iyon? Sa pagbibigay ng mga palusot, sa pag-aalok ng mga pangangatwiran, sa pagsasabi kung ano ang iniisip nila noong panahong iyon. Ano ang layunin nila sa pagsasabi ng mga bagay na ito? Para linawin ang lahat ng mga maling pagkaunawa na mayroon ang lahat tungkol sa kanila. Katulad lang ito ng malaking pulang dragon: Pagkatapos nitong pahirapan at parusahan ang isang tao, pawawalang-sala at lilinisin siya nito mula sa anumang kaso na ipinaratang sa kanya. Ano ang layunin ng paggawa nito? (Pagtatakip.) Pawawalang-sala at babayaran ka nito pagkatapos ka nitong gawan ng masama, para isipin mong mabuti at mapagkakatiwalaan pala talaga ang malaking pulang dragon. Sa ganitong paraan, hindi manganganib ang pamumuno nito. Ganito rin ang mga anticristo: Walang isang bagay silang sinasabi o ginagawa na hindi para sa sarili nilang kapakanan; hindi sila magsasabi ng anuman para sa kapakanan ng katotohanan, lalong hindi sila magsasabi o gagawa ng anuman para sa kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Ang lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay para sa kapakanan ng sarili nilang reputasyon at katayuan. Puwedeng sabihin ng ilan, “Hindi makatarungan para sa Iyo na tukuyin sila bilang mga anticristo, dahil nagpapakapagod sila nang husto, at masigasig nilang ginagawa ang trabaho nila, nagtatrabaho at nagpapakaabala para sa sambahayan ng Diyos mula bukang-liwayway hanggang dapit-hapon. Minsan ay nagiging masyado silang abala para kumain. Labis silang nagdusa!” At para kanino sila nagdurusa? (Sarili nila.) Para sa sarili nila. Kung wala silang katayuan, gagawin ba nila ang parehong bagay? Nagpapakaabala sila nang ganoon para sa sarili nilang reputasyon at katayuan—ginagawa nila ito para sa isang gantimpala. Kung hindi sila ginantimpalaan, o kung wala silang katanyagan, pakinabang, o katayuan, matagal na sana silang umatras. Ginagawa nila ang mga bagay na ito sa harap ng iba, at habang ginagawa nila ito, gusto nilang ipaalam sa Diyos ang tungkol sa kanila, at udyukan Siyang ibigay sa kanila ang nararapat nilang gantimpala, batay sa lahat ng kanilang ginawa. Ang gusto nila sa huli ay isang gantimpala; ayaw nilang makamit ang katotohanan. Dapat maunawaan mo ang hanggang sa puntong ito. Kapag sa pakiramdam nila ay nakaipon na sila ng sapat na kapital, kapag nagkaroon na sila ng pagkakataong magsalita kasama ng iba, ano ang nilalaman ng sinasabi nila? Una, ito ay ang pagmamalaki ng mga kontribusyon nila—isang sikolohikal na pag-atake. Ano ang isang sikolohikal na pag-atake? Ito ay pagpapaalam sa lahat, sa kaibuturan ng kanilang puso, na sila ay nakagawa ng maraming mabuting bagay sa ngalan ng sambahayan ng Diyos, gumawa ng mga kontribusyon, nakipagsapalaran, nakagawa ng mapanganib na trabaho, labis na naging abala, at nagdusa nang hindi maliit na halaga—ito ay paglalatag ng kanilang mga kredensiyal at pagsasabi ng tungkol sa kanilang kapital sa harap ng iba. Pangalawa, labis-labis at walang saysay silang nagsasalita tungkol sa ilang hindi makatotohanang teorya, na sa tingin ng mga tao ay nauunawan nila, kahit hindi naman. Tila malalim, mahiwaga, at abstrakto ang mga teoryang ito at ginagawa ng mga itong sumamba ang mga tao sa mga anticristo. Pagkatapos, nagsasalita sila sa isang engrande at nakakalitong paraan tungkol sa mga bagay na pinaniniwalaan nilang wala pang nakauunawa kailanman—halimbawa, teknolohiya at kalawakan, pananalapi at kontadurya, at mga usapin sa lipunan at pulitika—at maging mga bagay sa underworld at mga scam. Isinasalaysay nila ang personal na kasaysayan nila. Ano ito, kung gayon? Nagpapasikat sila. At ang layunin nila sa pagpapasikat ay ang maglunsad ng isang sikolohikal na pag-atake. Sa tingin mo ba ay hangal sila? Kung ang mga bagay na ito na sinasabi nila ay walang epekto sa mga tao, sasabihin pa rin ba nila ito? Hindi nila sasabihin. May layunin sila sa pagsasabi nito: Ito ay tungkol sa paglalatag ng kanilang mga kredensiyal, pagpapakitang-gilas, at pagpapasikat ng kanilang sarili.

Bukod pa rito, anong paraan ang madalas gamitin ng mga anticristo? Saan man sila magpunta, umaasta silang ulo ng isang sambahayan—saan man sila magpunta, sinasabi nilang, “Ano ang ginagawa ninyo? Kumusta na? Mayroon bang anumang paghihirap? Bilisan ninyo at asikasuhin ang mga bagay na itinalaga sa inyo! Huwag kayong maging pabasta-basta. Ang lahat ng gawain sa sambahayan ng diyos ay mahalaga, at hindi puwedeng ipagpaliban!” Para lang silang ulo ng isang sambahayan, palaging pinangangasiwaan ang gawain ng mga tao sa kanilang sambahayan. Ano ang ibig sabihin nito, na sila ang ulo ng isang sambahayan? Nangangahulugan ito na sinuman sa kanilang sambahayan ay puwedeng magkamali, o tumahak sa maling landas, kaya kailangan nilang bantayan ang mga ito; kung hindi nila ito ginawa, walang ibang gagawa ng kanilang tungkulin—lahat sila ay matitisod sa huli. Naniniwala ang mga anticristo na ang lahat ng iba pa ay hangal, isang bata, na kung hindi nila sila binigyan ng labis na atensyon, kung hinayaan nila silang mawala sa kanilang paningin nang isang segundo, ang ilan sa kanila ay magkakamali at tatahak sa maling landas. Anong klaseng pananaw ito? Hindi ba’t umaasta silang ulo ng isang sambahayan? (Umaasta sila.) Gumagawa ba sila ng kongkretong gawain, kung gayon? Hindi kailanman sila gumagawa; isinasaayos nila na gawin ng iba ang lahat ng gawain, inuukol lamang ang sarili nila sa burukrasya at sa pagiging amo, at kapag nagawa na ng iba ang gawain, parang sila na rin mismo ang gumawa nito—ang lahat ng karangalan ay napupunta sa kanila. Tinatamasa lang nila ang mga benepisyo ng kanilang katayuan; hindi sila kailanman gumagawa ng anumang bagay na kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at kahit na makita nilang pabasta-basta o pabaya ang isang tao sa pagganap ng kanyang tungkulin, na may isang taong nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, binibigyan lamang nila ang mga ito ng ilang salita ng paalala at inaaliw ang mga ito, pero hindi nila kailanman inilalantad o pinaghihigpitan ang mga ito—hindi sila kailanman sumasalungat sa sinuman. Kung walang gustong makinig sa kanila, sasabihin nila, “Nagkadurog-durog ang puso ko sa pag-aalala sa inyong lahat; nagsalita ako hanggang sa matuyo ang aking mga labi—pinagod ko ang sarili ko hanggang sa puntong halos mahati ako sa dalawa! Binibigyan ninyo ako ng labis na pag-aalala!” Hindi ba’t kahiya-hiyang sabihin nila ito? Nasusuklam ba kayong marinig ito? Isang paraan ito na naipamamalas ang patuloy na pagnanais ng mga anticristo na kontrolin ang mga tao. Paano nakikipagbahaginan ang gayong mga anticristo sa mga tao? Sinasabi nila sa Akin, halimbawa na, “Hindi ginagawa ng mga tao sa ilalim ko ang sinasabi sa kanila. Hindi nila sineseryoso ang gawain ng iglesia. Pabasta-basta sila, at walang patumangga nilang ginagastos ang pera ng sambahayan ng diyos. Sila ay totoong mga hayop, ang mga taong ito—mas mababa sila kaysa sa mga aso!” Ano ang tono nila rito? Ginagawa nilang eksepsiyon ang sarili nila; ang ibig nilang sabihin ay, “Isinasaalang-alang ko ang mga interes ng sambahayan ng diyos—hindi nila ginagawa iyon.” Ano ang tingin ng mga anticristo sa sarili nila? Isang “brand ambassador.” Ano ang isang brand ambassador? Tingnan ang mga brand ambassador mula sa ilang bansa—anong uri ng mga tao sila? Pinipili sila sa kanilang kagandahan; napakagaganda nila, magaling silang magsalita, at lahat sila ay dumaan sa pagsasanay. Sa likod ng mga eksena, lahat sila ay may mga koneksiyon at pakikitungo sa matatangkad, mayayaman, at mga guwapong lalaki, sa mga opisyal na may matataas na ranggo, sa mayayamang negosyante—kaya mga brand ambassador sila. Ano ang sinasandigan nila, para maging mga brand ambassador? Dahil lang ba ito sa kanilang mga kaaya-ayang hitsura, magandang pigura, at husay sa pagsasalita? Pangunahin silang sumasandig sa mga koneksiyon nila sa likod ng mga eksena. Hindi ba’t ganyan ang nangyayari? (Oo.) Oo, ganyan ang nangyayari. Ang mga anticristo, na palaging umaastang lider o ulo ng isang sambahayan, ay palaging gustong gamitin ang ganitong pamamaraan, ang ganitong postura, para iligaw ang mga tao at kontrolin sila. Hindi ba’t medyo katulad ito ng istilo ng isang brand ambassador? Nakatayo sila roon, ang mga kamay ay magkadaop sa kanilang likuran, at kapag tumango at yumuko sa kanila ang mga kapatid, sasabihin nilang, “Magaling—gawin mo nang maayos ang trabaho mo!” Sino sila para sabihin iyon? Anong posisyon ang itinalaga nila sa kanilang sarili? Hindi Ako nagsasabi ng gayong mga bagay, kahit saan Ako pumunta—narinig ninyo na ba Ako na nagsabi ng gayong bagay? (Hindi.) Paminsan-minsan, sasabihin Ko, “Ang ganitong pagkakataon na mayroon kayo para gawin ang inyong tungkulin nang may kapayapaan ng isip ay hindi isang bagay na madaling dumating! Kailangan ninyong samantalahin ang pagkakataong ito, at gawin nang maayos ang inyong tungkulin—huwag ninyong hayaang itaboy kayo dahil sa paggawa ng masama at pagdudulot ng mga kaguluhan.” Saan nagmumula ang sinasabi Kong ito? Sa pagiging taos-puso. Pero ganoon ba mag-isip ang isang anticristo? Hindi siya ganoon mag-isip, at hindi siya ganoon kumilos. Sinasabihan niya ang iba na gawin nang maayos ang trabaho nila—ginagawa ba niya mismo ito? Hindi niya ginagawa. Gusto niyang magtrabaho nang maayos ang iba, nagpapakapagod nang husto para sa kanya, nagtatrabaho para sa kanya, at sa huli, siya ang nakakakuha ng lahat ng karangalan. Nagpapakapagod ba kayo nang husto para sa Akin ngayon, ginagawa ang inyong mga tungkulin? (Hindi.) Hindi rin kayo nagtatrabaho para sa Akin; ginagampanan ninyo ang inyong mga tungkulin at obligasyon, at pagkatapos ay tinutustusan kayo ng sambahayan ng Diyos. Magiging kalabisan bang sabihin na tinutustusan Ko kayo? (Hindi.) Hindi ito isang maling pahayag, at sa katunayan, talagang ganito ang mga bagay-bagay. Pero kung ipasasabi mo sa Akin iyan, hindi Ko sasabihin—hindi iyon kailanman mamumutawi sa Aking mga labi. Sasabihin Ko lang na tinutustusan kayo ng sambahayan ng Diyos: Ginagampanan ninyo ang sarili ninyong mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at tinutustusan kayo ng Diyos. Kaya, para kanino ninyo ginagawa ang inyong mga tungkulin? (Sarili namin.) Ginagampanan ninyo ang sarili ninyong mga tungkulin at obligasyon; ito ang responsabilidad na dapat ninyong gampanan bilang mga nilikha. Ginagawa ninyo ito sa presensiya ng Diyos. Talagang hindi ninyo dapat sabihin na nagtatrabaho kayo para sa Akin—hindi Ko iyon kailangan. Hindi Ko kailangan ng sinumang nagtatrabaho para sa Akin; hindi Ako ang amo, hindi rin Ako ang presidente ng ilang kumpanya. Hindi Ako kumikita mula sa inyo, at hindi kayo kumakain ng pagkain Ko. Nakikipagtulungan lang tayo sa isa’t isa. Nakikipagbahaginan Ako ng mga katotohanang dapat Kong ibahagi sa inyo para maunawaan ninyo ang mga ito, at humayo kayo sa tamang landas, at sa gayon, napapanatag ang Aking puso—ganap na naisakatuparan ang responsabilidad at obligasyon Ko. Pakikipagtulungan ito sa isa’t isa, kung saan ginagampanan ng lahat ang bahagi nila. Malayo ito sa kaso ng kung sino ang nagsasamantala kanino, sino ang gumagamit kanino, sino ang nagpapakain kanino. Huwag kayong umasta nang ganyan—wala itong silbi, at kasuklam-suklam ito. Gawin ninyo talaga nang maayos ang gawain, sa paraang malinaw ito sa lahat, at sa huli, magiging nasa maayos na posisyon kayo para bayaran ang inyong mga pagkakautang sa harap ng Diyos. May ganoon bang katwiran ang mga anticristo? Wala. Kung umako sila ng kaunting responsabilidad, gumawa ng kaunting kontribusyon, at nakagawa ng ilang gawain, nagpapasikat sila tungkol dito, sa paraang lantarang kasuklam-suklam—nagnanais pang maging mga brand ambassador. Kung hindi mo susubukang maging isang brand ambassador, at gagawa ka ng ilang aktuwal na gawain, magkakaroon ang lahat ng kaunting paggalang sa iyo. Kung umaasta kang isang brand ambassador, pero hindi mo kayang gumawa ng anumang kongkretong gawain, at gawin ito para ang Itaas ay mag-alala at personal na magbigay ng direksiyon para sa lahat ng gawain, at sundan ito sa pamamagitan ng pangangasiwa sa iyo at pagbibigay sa iyo ng patnubay, na ginagawa ng Itaas ang bawat aspekto ng gawain, at kung iniisip mo pa ring may kakayahan ka, na naging mas mahusay ka, na ikaw ang gumawa ng lahat ng ito—hindi ba’t iyon ay kawalan ng kahihiyan? May ganitong kakayahan ang mga anticristo. Ninanakawan nila ang Diyos ng Kanyang kaluwalhatian. Kapag nakaranas ang mga normal na tao ng ilang bagay, kaya nilang maunawaan ang kaunting katotohanan, at makita na, “Masyadong mababa ang aking kakayahan—wala akong halaga. Kung wala ang pag-aalala at pangangasiwa ng Itaas, kung wala sila para hawakan ang aking kamay para tulungan ako, wala akong magagawang anuman. Naging manika lang ako. Medyo nakilala ko na ang sarili ko ngayon. Alam ko ang maliit kong sukat. Hindi ako magkakaroon ng anumang reklamo kung pupungusan akong muli ng Itaas sa hinaharap. Magpapasakop lang ako.” Sa pagkaalam mo sa sarili mong maliit na sukat, gagawin mo ang gawaing dapat mong gawin nang maayos ang asal, na nakalapat ang dalawang paa sa lupa. Anuman ang italaga sa iyo ng Itaas, gagawin mo ito nang maayos, nang buo mong puso at buo mong lakas. Ito ba ang ginagawa ng mga anticristo? Hindi, hindi ito—hindi nila isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, o ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ano ang pinakamalaking interes ng sambahayan ng Diyos? Ito ba ang kayamanan ng iglesia? Ito ba ang mga handog sa Diyos? Hindi. Ano ito, kung gayon? Sa anong aspekto ng gawain umiikot ang pagganap ng bawat isa ng kanilang tungkulin? Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos, para maunawaan ng buong sangkatauhan ang Diyos at bumalik sa Kanya. Ito ang pinakamalaking interes ng sambahayan ng Diyos. At ang pinakamalaking interes na iyon ay nagsasanga pababa, nahahati sa bawat grupo at bawat aspekto ng gawain, at pagkatapos ay nahahati pa nang mas pino hanggang sa iba’t ibang tungkulin na ginagawa ng bawat tao. Ito ang interes ng sambahayan ng Diyos. Nakita ninyo na ba ito dati? Hindi, hindi ninyo pa nakita! Kapag nagsasalita Ako tungkol sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, iniisip ninyo na pera, bahay, at sasakyan ang mga ito. Anong uri ng mga interes ang mga iyon? Hindi ba’t iilang materyal na bagay lamang ang mga ito? Sasabihin ba ng ilang tao na, “Dahil hindi iyon interes, lustayin natin ang mga ito hangga’t gusto natin”? Ayos lang ba iyon? (Hindi.) Talagang hindi! Ang paglulustay ng mga handog ay isang mabigat na kasalanan.

Ano pa ang interes ng mga anticristo, bukod sa kanilang pagnanais at ambisyong kontrolin ang mga tao? Wala naman talaga. Hindi sila masyadong interesado sa anumang bagay. Kung ginagawa man ng bawat tao ang nararapat na tungkulin, kung naisasaayos man nang angkop ang mga tauhan, kung mayroon mang sinumang gumagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, kung umuusad man nang maayos ang bawat aspekto ng gawain ng iglesia, aling bahagi ng gawain ang may problema, aling bahagi ang mahina pa rin, aling bahagi ang hindi pa napag-iisipan, kung saan hindi nagagawa nang maayos ang gawain—hindi isinasangkot ng mga anticristo ang kanilang sarili sa anumang gayong mga bagay, ni hindi sila nagtatanong tungkol sa mga ito. Wala silang pakialam kailanman sa mga ito; hindi nila ginagawa ang kongkretong gawaing ito. Halimbawa, gawaing pagsasalin, gawaing pag-eedit ng bidyo, gawaing paggawa ng pelikula, gawaing nakabatay sa teksto, gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at iba pa—hindi nila masikap na sinusubaybayan ang anumang aspekto ng gawain. Hangga’t hindi naaapektuhan ng isang bagay ang kanilang katanyagan, pakinabang, o katayuan, para bang wala itong kinalaman sa kanila. Kaya, anong bagay lang ba ang ginagawa nila? Inaasikaso lang nila ang ilang pangkalahatang gawain—mababaw na gawain na binibigyang-pansin at nakikita ng mga tao. Nagtatapos sila riyan, pagkatapos ay ipinangangalandakan ito bilang isa nilang kuwalipikasyon, at pagkatapos ay magsisimula silang tamasahin ang mga benepisyo ng kanilang katayuan. May pakialam ba ang mga anticristo sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos? Wala; may pakialam lang sila sa kanilang reputasyon at katayuan, sa mga bagay kung saan sila ay puwedeng mapansin, at udyukan ang mga taong igalang at sambahin sila. Kaya, anumang problema ang lumitaw sa gawain ng iglesia, hindi sila nag-aalala sa mga ito o nagtatanong tungkol sa mga ito; gaano man kaseryoso ang isang problema, gaano man kalaki ang kawalang idinudulot nito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi nila nararamdamang isa itong problema. Sabihin mo sa Akin, may puso man lang ba sila? Sila ba ay mga taong may katapatan? Sila ba ay mga taong nagmamahal at tumatanggap sa katotohanan? Dapat guhitan ng mga tandang pananong ang mga bagay na ito. Puwes, ano ba kaya ang ginagawa nila buong araw, para masira nila ang gawain ng iglesia? Sapat na ito para ipakitang hindi nila isinasaalang-alang kahit katiting ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila ginagawa ang mahalagang gawain na ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, kundi nagpapakaabala lang sila sa mabababaw na pangkalahatang gawain, para magmukha silang gumagawa sa ibang tao; sa panlabas, abala sila sa paggawa ng isang tungkulin, para ipakita sa mga tao na sila ay masigasig at may pananampalataya. Nalilinlang nito ang ilang tao. Pero wala silang ginagawa ni isang aspekto ng mahalagang gawain ng iglesia—wala silang ginagawa sa gawain ng pagdidilig at pagbibigay ng katotohanan. Hindi nila kailanman ginagamit ang katotohanan para lutasin ang mga problema; inaasikaso lang nila ang ilang pangkalahatang gawain, at gumagawa ng kaunting gawain na nagpapaganda ng kanilang imahe. Sa mahalagang gawain ng iglesia, pabasta-basta at iresponsable lang sila—wala silang ni kaunting pagpapahalaga sa responsabilidad. Hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema, gaano man karami ang lumitaw, at pabasta-basta sila sa kanilang mga tungkulin. At dahil nakapag-asikaso na sila ng ilang mababaw na pangkalahatang gawain, iniisip nilang nakagawa sila ng aktuwal na gawain. Habang ginagawa ng mga anticristo ang mga tungkulin nila, nag-aamok sila sa paggawa ng di-mabubuting bagay at kumikilos nang arbitraryo at diktatoryal. Ginugulo at tuluyan nilang sinisira ang gawain ng iglesia. Walang isang aspekto ng gawain ang nagagawa sa isang sapat na pamantayan at nang walang pagkakamali; walang aspekto ng gawain ang nagagawa nang maayos nang hindi kinakailangang mamagitan ng Itaas, at mag-usisa rito, at pangasiwaan ito. At gayon pa man, may ilang punong-puno ng hinaing at pagsuway matapos mapalitan; gumagawa sila ng mga mapanlinlang na argumento para sa sarili nila, na ipinapasa ang responsabilidad sa mga lider at manggagawa sa mataas na antas. Hindi ba’t ito ay ganap na hindi makatwiran? Hindi makikita ang tunay na saloobin ng isang tao sa katotohanan kapag walang nangyayari, pero kapag pinungusan at pinalitan sila, nabubunyag ang kanilang tunay na saloobin sa katotohanan. Magagawa ito ng mga taong tumatanggap sa katotohanan sa anumang mga sitwasyon. Kung mali sila, kaya nilang aminin ang kanilang pagkakamali; kaya nilang harapin ang mga katunayan at tanggapin ang katotohanan. Hindi aaminin ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan na mali sila, kahit nalantad na ang pagkakamali nila; lalong hindi rin nila tatanggapin ang pag-aasikaso sa kanila ng sambahayan ng Diyos—at ano pa nga ang ikakatwiran ng ilan sa kanila? “Nilayon kong gumawa nang maayos—hindi ko lang nagawa. Hindi ako masisisi ngayon sa nagawa kong masama. Mabuti ang nilayon ko, at nagdusa ako at nagbayad ng halaga, at ginugol ko ang aking sarili—ang hindi paggawa nang maayos ay hindi katulad sa paggawa ng kasamaan!” Para gamitin ang pangangatwirang ito, itong palusot na ito, para tanggihang pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos—tama ba iyon? Anumang mga pangangatwiran at pagpapalusot ang ibinibigay ng isang tao, hindi nila maikukubli ang saloobin nila sa katotohanan at sa Diyos. Nauugnay ito sa kanilang kalikasang diwa, at ito ang pinakaindikatibong bagay. May nangyari man o wala, ang iyong saloobin sa katotohanan ay kumakatawan sa iyong kalikasang diwa. Ito ang iyong saloobin sa Diyos. Makikita kung paano mo tinatrato ang Diyos sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa kung paano mo tinatrato ang katotohanan.

Ano ang sinaklaw natin sa ating talakayan tungkol sa pag-uugali ng mga anticristo sa pagkontrol sa mga tao? (Interesado lamang ang mga anticristo sa pagkontrol sa mga tao.) Tama iyon. Ang mga taong partikular na mayabang at may partikular na pagmamahal sa katayuan ay may sapat na “interes” sa pagkontrol sa mga tao. Hindi positibo ang “interes” na ito—isa itong pagnanais at ambisyon, negatibo ito, at nakasisira ito. Bakit magiging interesado sila sa pagkontrol sa mga tao? Mula sa isang obhetibong perspektiba, lito ang kalikasan nila, pero may isa pang dahilan: Ang mga taong kumokontrol sa iba ay may espesyal na pagkahilig at pagkagiliw sa katayuan, katanyagan, pakinabang, labis na pagmamalaki, at kapangyarihan. Puwede Ko ba itong sabihin nang ganyan? (Oo.) At hindi ba’t katulad nang kay Satanas ang espesyal na pagkahilig at pagkagiliw na iyan? Hindi ba’t iyan ang diwa ni Satanas? Buong araw na pinag-iisipan ni Satanas kung paano ililigaw at kokontrolin ang mga tao; araw-araw, itinuturo nito sa mga tao ang mga nakalilinlang na ideya at pananaw, sa pamamagitan man ng pagtuturo at edukasyon, o sa pamamagitan ng tradisyunal na kultura, o sa pamamagitan ng agham, matayog na kaalaman, at mga katuruan—at habang mas itinuturo nito ang mga bagay na ito sa mga tao, mas sinasamba nila ito. Ano ang layunin ni Satanas sa pagtuturo ng mga bagay na ito sa mga tao? Kapag nagawa na nito ito, tataglayin ng mga tao ang mga ideya nito; tataglayin nila ang mga pilosopiya at paraan ng pag-iral nito. Katumbas ito ng pag-uugat ni Satanas sa puso ng mga tao. Nabubuhay sila kay Satanas, at ang pamumuhay nila ay pamumuhay ni Satanas—ito ang pamumuhay ng mga demonyo. Hindi ba’t ganoon iyon? Hindi ba’t ito rin ang kalikasan ng mga anticristo na kumokontrol sa mga tao? Gusto nilang gawing mga taong katulad nila ang lahat ng iba pa; gusto nilang mabuhay ang lahat para sa kanila, na maging handa para sa paggamit nila, at gumawa ng mga bagay para sa kanila. At ang lahat ay dapat mapasailalim sa kontrol nila: Ang mga kaisipan at pananalita ng mga tao, ang kanilang istilo ng pananalita, mga ideya, at pananaw, ang perspektiba at saloobin sa kanilang pagkilos, maging ang kanilang saloobin sa Diyos, ang kanilang pananampalataya, at ang kalooban at adhikain nila na gawin ang mga tungkulin nila—ang lahat ng ito ay dapat mapasailalim sa kontrol nila. Gaano kalalim ang pagkontrol na iyon? Bine-brainwash at iniindoktrinahan muna nila ang mga tao, pagkatapos ay pinagagawa nila sa lahat ng tao ang mga katulad na bagay na ginagawa nila mismo. Nagiging “ninong” sila. Para gawing ganito ang mga tao, gumagamit ng maraming kaparaanan ang mga anticristo: May panlilihis, pagtuturo, pananakot, at ano pa? (Mga sikolohikal na pag-atake.) Bahagi iyon ng panlilinlang. Ano pa? (Pamimilit at panunuhol sa mga tao.) Paano nila sinusuhulan ang mga tao? Nag-aamok ang ilang tao sa paggawa ng di-mabubuting bagay habang ginagawa ang mga tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos. Malinaw ba itong nakikita ng mga anticristo? Masyadong malinaw itong lahat sa kanila. Pinapangasiwaan ba nila ito, kung ganoon? Hindi nila ito pinangaangasiwaan. At bakit hindi nila ito ginagawa? Ninanais nilang gamitin ang usapin para suhulan ang mga taong iyon; sinasabi nila sa mga iyon, “Ang hindi pag-aasikaso sa iyo ay isang pabor na ginawa ko para sa iyo. Kailangan mo akong pasalamatan. Nakita kitang gumawa ng isang masamang bagay, pero hindi kita iniulat, at hindi kita pinangasiwaan. Naging maluwag ako. Hindi ba’t may utang na loob ka sa akin mula ngayon?” Ang mga taong iyon ay nagpapasalamat sa kanila pagkatapos at itinuturing silang mga tagapagtaguyod nila. Kung gayon, ang mga anticristo at ang mga taong iyon ay parang mga baboy na naglulublob sa iisang kural. Habang nasa kapangyarihan sila, masusuhulan ng mga anticristo ang gayong mga tao: ang mga gumagawa ng kasamaan, na pumipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, na humuhusga sa Diyos sa pribado, at na sumisira sa gawain ng sambahayan ng Diyos sa pribado. Ito ang uri ng gang ng masasamang tao na pinoprotektahan ng mga anticristo. Hindi ba’t ito ay isang uri ng pagkontrol? (Isang uri ito.) Ang katunayan ay na alam ng mga anticristo sa kaibuturan ng puso nila na ang mga taong ito ay hindi ang mga nangangalaga sa interes ng sambahayan ng Diyos. Alam nilang lahat ito—may lihim na pang-unawa—at kaya, nagtutulungan sila. “Magkapareho tayo. Hindi mo isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng diyos. Niloloko mo ang diyos, at ganoon din ako; hindi mo hinahangad ang katotohanan, at hindi ko rin ito hinahangad.” Sinusuhulan ng mga anticristo ang gayong mga tao. Hindi ba’t panunuhol ito sa kanila? (Panunuhol ito.) Wala silang pag-aalala na pabayaang magdusa ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kapalit ng halaga ng mga interes ng sambahayan ng Diyos, kinukunsinti nila ang mga taong ito na nag-aamok sa paggawa ng di-mabubuting bagay, at nagiging pasanin sa sambahayan ng Diyos. Para bang tinutustusan nila ang mga taong ito, at ang mga taong ito ay walang kamalay-malay na nagpapasalamat sa kanila. Kapag dumating na ang panahon para pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang masasamang taong ito, paano nila tinitingnan ang mga anticristo? Sinasabi nila sa sarili nila, “Hay naku. Tinanggal na sila. Kung hindi pa sila tinanggal, nakapagsaya pa sana tayo nang mas matagal—dahil sa suporta nila, walang sinuman ang nakapangasiwa sa akin.” Nakararamdam pa rin sila ng labis na pagiging malapit sa mga anticristo! Malinaw na ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay mga paggambala at panggugulo, mga bagay na nanliligaw sa mga tao, at masasamang gawa na sumasalungat sa Diyos. At sinumang tao na hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi mamumuhi sa masasamang gawang ito, at pagtatakpan pa nila ang mga ito. Halimbawa, may isang partikular na lider na nagtanggol sa mga anticristo. Tinanong siya ng Itaas kung sinuman sa iglesia ang nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, o nag-aamok sa paggawa ng di-mabubuting bagay, o kung may mga anticristo na nanlilihis sa mga tao. Sinabi ng lider, “Buweno, magtatanong-tanong ako sa paligid. Hayaan mong tingnan ko ito para sa iyo.” Hindi ba’t bahagi iyon ng trabaho niya? Sa himig na iyon—“Hayaan mong tingnan ko para sa iyo”—hinarap niya ang Itaas, at wala na silang narinig pa tungkol dito pagkatapos. Hindi niya tiningnan—ayaw niyang salungatin ang mga taong iyon! At nang tinanong muli siya ng Itaas, “Tiningnan mo na ba?” Sinabi niya na, “Tiningnan ko na—walang kahit ano.” Totoo ba iyon? Siya ang pinakamalaking anticristo sa lahat, ang pangunahing salarin sa panggugulo sa gawain ng iglesia, at sa pamiminsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Siya mismo ay isang anticristo—ano ang naroon para tingnan niya? Dahil naroon siya, anumang masasamang bagay na ginawa ng mga taong nasa ilalim niya, anumang paggambala at panggugulo na idinulot nila, walang sinumang makapagsiyasat sa mga bagay na ito. Hinarang niya sila sa paggawa nito. Bilang implikasyon, sa ganoong kalagayan, hindi ba’t inihiwalay niya sa Diyos ang mga taong nasa ilalim niya? Ganoon na nga. At sino ang pinakinggan ng mga taong iyon, na nahiwalay sa Diyos sa pamamagitan niya? Hindi ba nila siya pinakinggan? At kaya, siya ang naging hari-harian sa bayan, ang lider ng bandido, pinunong malupit—napasailalim niya sa kanyang kontrol ang mga taong iyon. Anong kaparaanan ang ginamit niya? Nilinlang niya ang Itaas at dinaya niya ang mga nasa ilalim niya. Sa mga taong nasa ilalim niya, sinuhulan niya ang mga ito at sinabihan ng mga kaaya-ayang salita, at sa Itaas, gumamit siya ng panlilinlang—hindi niya ipinaalam sa Itaas ang nangyayari sa ibaba. Wala siyang sinabi sa Itaas tungkol dito, at gumawa rin siya ng huwad na kaanyuan. Anong huwad na kaanyuan ang ginawa niya? Sinabi niya sa Itaas, “May isang tao sa ating iglesia na iniuulat ng lahat ng mga kapatid na may mababang pagkatao, na sobrang malisyoso, at na walang kakayahan sa anumang tungkulin. Ano ang masasabi mo—maaari ko ba siyang pangasiwaan?” Ang marinig siyang sabihin ito, malinaw mula sa mga pagpapamalas ng taong iyon na siya ay isang masamang tao na dapat pangasiwaan. Kaya, sinabi ng Itaas, “Kung ganoon, puwede mo siyang pangasiwaan. Pinangasiwaan mo na ba siya?” Sinabi niyang, “Pinangasiwaan namin siya noong nakaraang buwan at pinaalis.” Ang mga katunayan ba ay totoo talaga gaya nang sinabi niya? Ano ba talaga ang nangyari pagkatapos ng mas detalyadong pagtatanong? Hindi niya nakasundo ang taong iyon. At may dahilan kung bakit hindi sila nagkasundo: Hindi gumawa ng aktuwal na gawain ang lider na ito, at palagi siyang bumubuo ng mga gang at maliliit na grupo mula sa mga kapatid—ipinakita niya ang mga pagpapamalas ng isang anticristo, at ang taong iyon ay may pagkilatis sa kanya, at iniulat at isiniwalat ang mga problemang iyon. Sa sandaling ginawa niya ang ulat na iyon, napag-alaman ito ng mga kasamang kampon ng lider, at dahil dito ay pinarusahan at pinaalis siya nito. Nagtagumpay ang anticristo na ito na makumbinsi ang lahat ng nasa ilalim niya na maghimagsik laban sa taong iyon at tanggihan ito, at sa huli, pinangasiwaan niya ang taong iyon at pinaalis, at pagkatapos ay iniulat niya ang “mabuting balita” na ito sa Itaas. Hindi iyon ang totoong nangyari, sa katunayan. Nangyayari ba ang gayong mga bagay sa iglesia? Nangyayari. Sinusupil ng mga anticristo na ito ang mga kapatid; sinusupil nila iyong mga nakakikilatis sa kanila at nag-uulat ng kanilang mga problema, gayundin ang mga nakauunawa sa kanilang kalikasang diwa. Sila pa ang nauunang magsampa ng mga reklamo laban sa mga biktima nila, iniuulat sa Itaas na ang mga taong iyon ang nagdudulot ng kaguluhan. Sino ba talaga ang nagdudulot ng kaguluhan? Ang mga anticristo ang nanggugulo at kumokontrol sa iglesia.

Ano ang mga teknik ng mga anticristo para maudyukan ang mga tao na magpasakop sa kanila? Ang isang gayong teknik ay ang paggamit ng iba’t ibang pamamaraan para kontrolin ka—para kontrolin ang iyong mga kaisipan, ang iyong mga pamamaraan, ang landas na iyong tinatahak, at maging, sa pamamagitan ng kapangyarihang hawak nila, ang tungkuling ginagawa mo. Kung mapapalapit ka sa kanila, bibigyan ka nila ng madaling tungkulin na magbibigay-kakayahan sa iyong umangat; kung palagi kang sumusuway sa kanila, at palaging itinuturo ang kanilang mga pagkakamali, at isinisiwalat ang problema ng kanilang katiwalian, isasaayos nila para sa iyo na gumawa ka ng isang trabahong hindi gusto ng mga tao—halimbawa, pagawain ang isang batang kapatid ng ilang marumi at nakapapagod na trabaho. Isinasaayos nila ang madadali at malilinis na trabaho para sa sinumang magiging malapit sa kanila, mambobola sa kanila, at palaging magsasabi ng gusto nilang marinig. Ganito tinatrato at kinokontrol ng mga anticristo ang mga tao. Ibig sabihin, pagdating sa kapangyarihan sa pagtatalaga at paglilipat ng mga tauhan, na ginagawa ang lahat ng depende sa kanila, sila ang tanging may kontrol. Isang uri lang ba ito ng ambisyon at pagnanais? Hindi, hindi ito ganoon. Hindi ba’t eksakto itong tumutugma sa ikawalong aytem ng mga pagpapamalas ng mga anticristo: “Hinihimok nila ang iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos”? Ano ang tinutukoy ng “Hinihimok nila ang iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos”? Ano ang mali sa pagpapamalas na ito? Paano ito naging mali? Ito ay na ang pinasusunod nila sa mga tao ay ganap na salungat sa katotohanan. Hindi ito ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ganap itong salungat sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at salungat sa mga layunin ng Diyos; walang ni katiting nito ang nangangalaga sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at walang ni katiting na bahagi nito ang ayon sa katotohanan. Ang gusto nilang ipasunod sa mga tao ay ganap na ang mga sarili nilang ambisyon, pagnanais, kagustuhan, interes, at kuru-kuro. Hindi ba’t ito ang diwa ng problema? Isang paraan ito ng pagpapamalas ng diwa ng mga anticristo. Hindi ba’t ito ang pinakabuod ng usapin? Dapat madaling makilatis ang pagkilos na ito ng mga anticristo. May ilang lider at manggagawa na naghahayag ng mga wasto at tamang pananaw, at bagaman hindi kumbinsido ang ilang tao at hindi matanggap ang mga ito, nagagawa ng mga lider na ito na magtiyaga sa pagpapatupad ng mga tamang pananaw na iyon at sa pagsasagawa ng mga ito. Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pag-uugaling ito at ng sa mga anticristo? Tila magkatulad ang dalawa sa panlabas, pero may pagkakaiba sa diwa ng mga ito. Ang ginagawa ng mga anticristo ay sadyang sumalungat sa katotohanan at sa mga prinsipyo ng gawain ng sambahayan ng Diyos, pinagagawa sa mga tao ang sinasabi nila sa pagkukunwaring ginagawa nila ang isang tungkulin para sa sambahayan ng Diyos at pagpapasakop sa katotohanan. Mali ito—napakalaking, kakatwang kamalian. Ang ilang lider at manggagawa ay nagtataguyod ng mga tamang pananaw. Dapat itaguyod ang ayon sa mga katotohanang prinsipyo; hindi ito pagmamataas at pagmamagaling, at hindi rin ito pagpigil sa mga tao—pagtataguyod ito sa katotohanan. Tila magkatulad ang dalawang pag-uugali sa panlabas, pero magkaiba ang mga diwa ng mga ito: Ang isa ay nagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo, at ang isa ay nagtataguyod sa mga maling pananaw. Ang ginagawa ng mga anticristo ay paglabag lahat sa katotohanan, sa pagkamapanlaban dito, at ganap na bunsod ng kanilang mga personal na ambisyon at pagnanais—kaya sa kanila lamang pinasusunod ng mga anticristo ang mga tao at hindi sa katotohanan o sa Diyos. Iyon ang pinakabuod ng aytem na ito. Ang pinag-usapan natin ngayon lang ay isang kinikilalang katunayan. Ano ang tinutukoy rito ng mga pagnanais at ambisyon? Tumutukoy ang mga ito sa ilang taong hindi gumagawa ng mga halatang bagay na gagawin ng isang anticristo, pero mayroon pa rin ng mga tendensiyang ito. Mayroon sila ng mga tendensiya at pagpapamalas na ito, ibig sabihin, mayroon sila ng mga pagnanais at ambisyon na ito. Anumang grupo sila kabilang, gusto nilang palaging inuutusan ang mga tao tulad nang isang opisyal: “Ikaw, gumawa ka ng pagkain!” “Ikaw, abisuhan si ganito-at-si-ganyan!” “Magsikap ka sa tungkulin mo, at magkaroon ng higit na katapatan—nakamasid ang diyos!” Kailangan ba nilang sabihin ang mga bagay na iyon? Anong uri ng tono iyon? Sino sila para palaging umasta na parang isang panginoon at amo? Wala silang halaga, gayumpaman ay nangangahas silang magsabi ng gayong mga bagay—hindi ba’t iyon ay kawalan ng katwiran? Puwedeng sabihin ng ilan na, “Mga hangal sila.” Pero hindi sila mga ordinaryong hangal—mga espesyal sila. Espesyal paano? Kapag nakikipagtalo o pinag-iisipan nila ang isang usapin kasama ang sinuman, tama man sila o hindi, dapat silang manaig sa huli; tama man sila o hindi, dapat nasa kanila ang huling salita, na sila ang mamahala, at gagawa ng mga desisyon. Anuman ang katayuan nila, ninanais nilang gumawa ng mga desisyon. Kung mananaig ang ibang tao sa pagpapahayag ng tamang opinyon, magagalit sila; isusuko nila ang kanilang posisyon at ititigil ang kanilang trabaho—nagbibitiw sila, nagsasabing: “Sabihin ninyo na ang anumang gusto ninyong sabihin—hindi ninyo naman talaga ginagawa ang sinasabi ko!” Wala ba sila ng ambisyon at pagnanais na iyon? Ano ang mga kahihinatnan ng gayong mga tao na nagiging mga panginoon at amo, nila na nagiging mga namamahala, nila na nagiging mga lider? Nagiging mga karaniwang anticristo sila. Mayroon ba kayong ganoong mga pagpapamalas? Hindi iyon magiging mabuting bagay! Hindi ba’t magiging isang napakalaking kalamidad kung hindi makakamit ng isang mananampalataya ng Diyos ang katotohanan, at sa halip ay magiging isang anticristo?

Paano tinitingnan ng mga walang pananampalataya ang mga tao? Kapag nakatatagpo sila ng isang tao, tinitingnan muna nila ang hitsura at pananamit nito; kapag pinakikinggan nilang nagsasalita ang iba, palagi nilang gustong makita kung nagtataglay ba ito ng karunungan. Kung makikita nila na ang iyong hitsura at pananamit ay hindi kaakit-akit, at wala kang masyadong pinag-aralan o hindi ka masyadong marunong, hahamakin ka nila, at gugustuhing lamangan ka kapag nakikipag-usap sila sa iyo. Sinasabi Ko, “Kung gusto mong makipagtalo, sige—magsalita ka.” Ititikom Ko ang bibig Ko; pagbibigyan kita. Karamihan ng mga tao sa sambahayan ng Diyos ay nakikinig sa Akin, saanman Ako magpunta. Kaya, naghahanap Ako ng mga pagkakataong marinig ang iba na magsalita, para hayaan ang iba na mas lalo pang magsalita—sinisikap Kong hayaan ang lahat na magsalita mula sa puso, at magsalita tungkol sa mga paghihirap sa kalooban nila, at sa kaalaman nila. Habang nakikinig Ako, nakakarinig Ako ng ilang paglihis. Naririnig Ko ang ilan nilang problema at pagkukulang, anong mga problema ang lumitaw sa landas na tinatahak nila, at kung aling bahagi ng gawain ng iglesia ang hindi nagagawa nang maayos, anong mga problema ang nananatili rito, at kung kailangang lutasin ang mga ito. Nakatuon Ako sa pakikinig sa mga bagay na ito. Kung pinagtatalunan natin ang anumang isyu—kung sasabihin Ko, halimbawa, na papel ang isang tasa, at ipagpipilitan mong sabihin na plastik ito, sasabihin Kong, “Sige. Tama ka.” Hindi Ako makikipagtalo sa iyo. Iniisip ng ilang tao, “Kung tama Ka, bakit hindi Ka makipagtalo?” Depende ito sa isyu. Kung ito ay isang bagay na may kinalaman sa katotohanan, tama lang para sa iyo na pakinggan Ako; kung ito ay isang panlabas na usapin, hindi Ako makikialam anuman ang sabihin ninyo—ang gayong mga bagay ay walang kinalaman sa Akin. Walang silbi ang makipagtalo tungkol sa gayong mga bagay. May ilang tao na tumatalakay sa ilang usapin ng kalagayan. Sa kanila, sinasabi Ko, “Sa pagkakaunawa Ko rito, ganito ang bagay na iyon.” Idinagdag Ko ang “sa pagkakaunawa Ko rito” sa simula; may kaunting kaalaman sa sarili riyan. Ipinapakita Ko ang isang katunayang alam Ko para ilarawan ang bagay na iyon, sinasabi na, “Ito ang sitwasyon ngayon, pero kung may ilang espesyal na pangyayari, hindi Ko alam ang tungkol sa mga iyon.” Ito lang ang magagawa Ko para suriin ang usapin nang may gayong katunayan, pero hindi Ko ipinagmamalaki kung gaano karami ang nalalaman Ko. Binibigyan Ko lang sila ng kaunting impormasyon bilang sanggunian—hindi Ko nilalayong ituring ang sarili Ko na mas mataas kaysa sa kanila at pigilin sila, para ipakita sa kanila kung gaano Ako katalino, na alam Ko ang lahat, na wala silang alam. Hindi iyon ang Aking perspektiba. Kapag may ilang taong nakikipag-usap sa Akin, nagbabanggit Ako ng kaunting impormasyong hindi nila alam, at sinasabi nilang, “Buong araw kang nasa loob—ano ang alam mo?” Hindi nila alam ang impormasyong iyon, pero gusto nilang makipagtalo at makipag-away sa Akin tungkol dito. Sinasabi Ko, “Tama iyan. Hindi Ako lumalabas, pero alam Ko ang isang bagay na ito. Sinasabi Ko lang sa iyo ang tungkol dito, at iyon lang iyon—maniwala ka man o hindi.” Ano ang dapat pagtalunan doon? Ang pagtatalo tungkol sa ganitong uri ng bagay ay isang disposisyon. May ilang tao na gusto pa ngang makipagkumpetensiya para sa pagiging superyor pagdating sa isang panlabas na usapin, sinasabi na: “Paano mo nalaman ang tungkol dito? Bakit hindi ko alam ang tungkol dito? Bakit kaya mong talakayin ang lahat ng kailangang talakayin tungkol dito, samantalang hindi ko kaya?” Halimbawa, sinasabi Ko, “Sa mga taon nang pananatili Ko rito, may natuklasan Akong kakaiba tungkol sa klima: Medyo mahalumigmig ito.” Ito ay isang obserbasyong natuklasan Ko pagkatapos ng pananatili sa lugar na ito nang mahabang panahon—isa itong katunayan. Pero naririnig iyon ng ilang tao at sinasabi, “Ganyan ba talaga ang mga bagay? Paanong hindi ko naramdaman ang halumigmig, kung gayon?” Dahil lang hindi mo naramdaman ang halumigmig, hindi ibig sabihin niyon na hindi ito mahalumigmig. Hindi ka lang dapat basta bumatay sa nararamdaman mo—dapat kang bumatay sa datos. Nagbibigay ng maraming detalye ang mga pang-araw-araw na pagtataya ng lagay ng panahon, at sa sandaling sapat na ang nakita mo, malalaman mo na, sa katunayan, ay mahalumigmig dito. Hindi ito isang bagay na inisip Ko lang, at hindi Ako nagsasalita batay sa isang pakiramdam. At bakit ganoon? Palaging may lumot sa mga malilim na base ng pader sa buong taon; sa tagsibol, may ilang lugar na hindi Ako mangangahas lakaran, masyadong madulas ang mga ito. Ang obserbasyong ito ay nagmula sa Akin na napagdaraanan ito, nararanasan ito, nakikita ito ng sarili Kong mga mata, at personal na nararamdaman ito. Ang pagsasalita nang ganito ay hindi labag sa mga katunayan, tama ba? Pero may ilang tao na humahamon sa Akin sa mga bagay na ito kapag nakikipag-usap sila sa Akin—sinasabi Kong mahalumigmig dito, at sinasabi lang nila na hindi. Hindi ba’t mga tao silang may magulong pag-iisip? (Ganoon nga sila.) Ang ilang pahayag ay ginawa batay sa realidad, dahil ang mga ito ay nagmula sa karanasan, at hindi bunga ng imahinasyon. Bakit nasabi Kong hindi mga imahinasyon ang mga ito? Dahil inilalatag ng mga ito nang malinaw, lubusan, at sistematiko, ang mga detalye at kapag nakita at naranasan ng isang tao ang inilarawan sa mga pahayag na iyon, eksaktong tumutugma ito sa mga nasabi. Hindi ba’t tumpak ang mga pahayag na iyon? (Tumpak ang mga ito.) Pero kahit na sa mga tumpak na pahayag na ito, may ilang tao na palaging nakikipagtalo, at nakikipagtalo sila sa Akin sa ganitong paraan. Para saan sila nakikipagtalo? Mortal na labanan ba ito? Nakikipaglaban ba sila para sa buhay nila? Hindi sila nakikipagtalo para roon, gusto lang nilang makipagkumpetensiya sa kung sino ang mas nakakaalam. Gusto lang nilang makipagtalo—isa itong disposisyon. Paano sa palagay mo dapat tratuhin ang gayong mga tao? Kailangan ba nilang mailantad, at makipagtalo hanggang sa namumula ka na sa galit? (Hindi.) Walang silbing makipagtalo sa gayong mga ka-ignoranteng tao. Nakabababa ito. Hayaan mo lang sila. Hindi ba sapat iyon? Ano ang silbi ng pakikipagtalo sa gayong mga hangal at padalus-dalos na tao? Kung may argumento o debate dahil hindi nauunawaan ng isang tao ang ilang usaping may kinalaman sa katotohanan, ayos lang iyon—pero hindi ba’t kahangalan ang makipagtalo tungkol sa mga panlabas na gawaing ito? Ang disposisyon ng mga anticristo, pangunahin, ay ang hindi pagtanggap sa katotohanan, ang pagiging mayabang at mapagmagaling, ang pagiging tutol sa katotohanan. Hindi man lang tinatanggap ng mga anticristo ang anumang tamang salita, o mga komento at kasabihan na ayon sa mga katunayan, at sasaliksikin nila ang mga ito, at makikipag-alitan at makikipagtalo sa iyo tungkol sa mga ito—at wala iyong sinasabing katotohanan. Hindi ba’t iyon ay isang disposisyon? (Disposisyon iyon.) Anong disposisyon ito? Kayabangan. Ang ibig nilang sabihin ay, “Nauunawaan mo lang nang kaunti ang katotohanan, hindi ba? Hindi mo nauunawaan ang mga panlabas na usapin, kaya tama lang na makinig ka sa akin tungkol sa mga ito! Huwag ka nang masyadong magsalita—ginagalit talaga ako nito. Ang mga panlabas na gawaing ito ay hindi sa iyo para pangasiwaan. Sa mga responsabilidad mo, sa pagsasabi ng katotohanan, makikinig ako sa iyo—pero tigilan mo ang pagsasalita tungkol sa mga panlabas na bagay na ito. Manahimik ka, puwede? Hindi mo pa kailanman naranasan ang mga bagay na ito, kaya ano ang alam mo? Kailangan mong makinig sa akin!” Sa lahat ng bagay, pinakikinig nila ang mga tao sa kanila. Gusto nilang sakupin ang lahat, nang hindi tinitingnan kung sino ito. Anong disposisyon iyon? Mayroon bang anumang katwiran dito? (Wala.)

Sabihin mo sa Akin, madali ba o mahirap ang makisama sa Akin? (Madali.) Paano mo ito malalaman? Bakit sinasabi mong madali ito? Sasabihin Ko sa inyo, at makikita ninyo kung tama at tumpak ang pagpapaliwanag Ko sa Aking sarili. Una, normal ang Aking pagkamakatwiran. Paano maipaliliwanag ang pagiging normal na ito? Ibig sabihin nito na may mga tumpak Akong pamantayan at tumpak na perspektiba tungkol sa lahat ng usapin. Sa ganoong paraan, hindi ba’t ang Aking mga pananaw at pahayag tungkol sa bawat uri ng bagay, at ang Aking saloobin sa bawat uri ng bagay, ay normal lahat? (Oo.) Normal ang mga ito—kahit papaano, ang mga ito ay nakaayon sa mga pamantayan para sa normal na pagkatao. Pangalawa, pinipigilan Ako ng katotohanan. Ito ang dalawang bagay na kahit papaano ay tinataglay ng normal na pagkamakatwiran. At may isa pang aspekto rito: Ang dahilan kung bakit nakikita ninyong madaling makisama sa Akin ay dahil may tamang sukat Ako at alam Ko ang mga pamantayan pagdating sa bawat uri ng tao. May tamang sukat Ako, gayundin ng mga paraan at pinagkukunan para sa kung paano Ko tinatrato ang mga lider at ordinaryong kapatid, para sa kung paano Ko tinatrato ang matatanda at kabataan, para sa kung paano Ko tinatrato ang mayayabang na tao na sa malamang ay magpapasikat, at para sa kung paano Ko tinatrato ang mga mayroon at walang espirituwal na pang-unawa, at iba pa, para sa bawat uri ng tao. Ano una sa lahat ang tamang sukat na ito, at ang mga paraan at pinagkukunang ito? Sumusunod sila sa mga katotohanang prinsipyo, hindi gumagawa ng mga bagay nang hindi pinagpaplanuhan. Ipagpalagay, halimbawa, na pahahalagahan kita dahil sa pagiging isang estudyante sa unibersidad, o hahamakin ka dahil sa pagiging isang magsasaka—hindi iyon ang mga prinsipyo. Kaya, paano Ko maaarok ang mga prinsipyong ito? Sa pamamagitan ng pagtingin sa kakayahan at pagkatao ng isang tao, sa tungkuling ginagawa niya, sa pananampalataya niya sa Diyos, at sa saloobin niya sa katotohanan. Itinuturing Ko ang mga tao batay sa kombinasyon ng iba’t ibang aspektong ito. May isa pang dahilan kung bakit nakikita ninyong madali Akong pakisamahan, na isang bagay na marahil ay may maraming kuru-kuro ang mga tao at hindi nila magawang tanggapin. Iniisip nilang, “May katayuan Ka, pero bakit parang isang tao Kang walang katayuan? Hindi Mo iginigiit ang Iyong katayuan; hindi Ka umaastang mataas at makapangyarihan. Sa isip ng mga tao, iniisip nilang dapat Ka nilang tingalain—pero bakit kapag nakikita Ka ng mga tao, naiisip nilang mas angkop na ituring Ka mula sa parehong antas, o maging ang maliitin Ka?” At kaya, iniisip nilang madali Akong pakisamahan, at nagrerelaks sila. Hindi ba’t ganoon iyon? Ganoon iyon. Dahil dito, iniisip nilang hindi Ako dapat katakutan, at ang pakisamahan Ako sa ganitong paraan ay napakainam. Sabihin mo sa Akin, kung pipigilan Ko kayo sa bawat pagkakataon, at pupungusan kayo nang walang magandang dahilan, at sasawayin at pangangaralan kayo buong araw na may madilim na ekspresyon sa Aking mukha, magiging iba ba ang mga bagay-bagay? Iisipin ninyong, “Napakahirap Mong pakisamahan, dahil sa kakaiba Mong personalidad at sa pabago-bago Mong damdamin!” Hindi Ako magiging madaling pakisamahan kung ganoon. Tiyak na dahil tila normal Akong tingnan sa inyo sa lahat ng Aking aspekto, sa Aking personalidad, sa Aking mga kasiyahan at galit, sa Aking mga kalungkutan at kagalakan, at dahil sa inyong isipan, iniisip ninyong ang mga tao na may reputasyon at mataas na katayuan ay dapat na maging mataas at makapangyarihan, pero ang Ako na nakikita ninyo ngayon ay napakakaraniwan lamang—iyon mismo ang dahilan kung bakit hindi na kayo nag-iingat at iniisip na madali Akong pakisamahan. Bukod dito, napapansin ba ninyong gumagamit Ako ng burukratikong jargon kapag nagsasalita Ako? (Hindi.) Hindi Ko iyon ginagawa—pagdating sa mga bagay na hindi ninyo nauunawaan, tinutulungan Ko kayo sa abot ng Aking makakaya nang anumang makakaya Ko, at bihira Ko kayong nililibak. Bakit bihira Kong gawin iyon? May mga pagkakataong labis Akong nagagalit at hindi Ko maiwasang magsabi ng ilang salitang nanlilibak sa inyo, subalit dapat Ko ring isaalang-alang na maaari kayong manghina, at kaya hangga’t maaari ay madalang Akong makipag-usap sa inyo nang ganoon. Sa halip, mapagtimpi, mapagpatawad, at matiyaga Ako. Tinutulungan Ko kayo sa abot ng Aking makakaya, kung saan Ko kaya, at tinuturuan kayo sa abot ng Aking makakaya, nang kung ano ang Aking makakaya—ito ang ginagawa Ko sa kadalasan. At bakit ganoon? Ito ay dahil karamihan ng mga tao ay higit na nagkukulang pagdating sa mga usapin ng pagpapatotoo sa Diyos at pag-unawa sa katotohanan—pero pagdating sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya, o pananamit at pampaganda, o paglalaro, o anumang makamundong bagay, alam ng mga tao ang lahat ng tungkol sa mga bagay na ito. Sa kabilang banda, hinggil sa mga usapin ng pananalig sa Diyos, at mga usaping may kinalaman sa katotohanan, ignorante ang mga tao; pagdating sa pagpapatotoo sa Diyos, at paggamit ng mga propesyonal na kasanayan nila, mga kalakasan nila, at mga kaloob nila para gumawa ng kaunting gawain ng pagpapatotoo sa Diyos, para gumawa ng ilang gawaing nagpapatotoo sa Diyos, wala silang masasabi. Ano ang gagawin Ko, kapag nakikita Ko ang gayong sitwasyon? Dapat Ko kayong turuan, turuan kayo nang paunti-unti, at turuan kayo sa abot ng Aking makakaya. Pinipili Ko ang mga bagay na nauunawaan Ko, at alam Ko, at magagawa Ko, at itinuturo Ko ang mga ito sa inyo, nang tuloy-tuloy, hanggang sa matapos ang isang gawain. Itinuturo Ko sa inyo ang lahat ng makakaya Ko, hangga’t kaya Ko—at para sa mga bagay na hindi Ko kayang ituro o na hindi matututunan, anuman ang inyong nauunawaan sa mga iyon, ganoon karami ang inyong nauunawaan. Hayaan mo itong mangyari nang natural. Hindi kita pipiliting unawain ang mga bagay na iyon. Sa huli, may ilang nagsasabing, “Kaming mga nakauunawa sa isang propesyon ay nagpaubaya sa isang hindi propesyonal. Kami, na nakakaunawa sa propesyong ito, ay walang natatapos na kahit ano, at ang taong ito na walang anumang alam tungkol sa propesyong ito ay palaging kailangang magturo sa amin. Sobrang nakakahiya ito!” Hindi ito nakakahiya. Bigo ang buong sangkatauhan pagdating sa pagpapatotoo tungkol sa Diyos bilang mananampalataya—kung ang mga tao ay isinilang na may kakayahang magpatotoo tungkol sa Diyos, walang sinuman ang sasalungat sa Kanya! Dahil ang mga tao ay kauri ni Satanas at may kalikasang diwa na mapanlaban sa Diyos kaya hindi nila magawa ang mga bagay na may kinalaman sa katotohanan at pagpapatotoo tungkol sa Diyos. Kaya, ano ang dapat gawin ng mga tao, kung ganoon? Hangga’t lubos silang nagsisikap na gawin ang makakaya nila, sapat na iyon. Kung mayroon Akong lakas na mag-alok ng tulong at pagtuturo, tutulong Ako. Kung hindi Ko ito ginagawa, o kung abala Ako sa iba pang mga bagay at hindi makapaglaan ng oras, gawin lang ninyo ang inyong makakaya. Naaayon iyon sa mga prinsipyo, hindi ba? Ito lang ang tanging maaaring paraan. Hindi Ko kayo pinipilit na gumawa nang higit sa inyong kakayahan. Wala itong silbi—hindi ito magagawa. Sa huli, iniisip ng mga tao na: “Sadyang madali Kang pakisamahan, at madaling makamit ang Iyong mga hinihingi. Sabihin Mo sa amin kung ano ang gagawin, at gagawin namin ang sinabi Mo.” Maaaring mapungusan ang ilang tao paminsan-minsan. Karamihan sa kanila ay ayos lang naman pagkatapos noon, na may tamang pagkaarok. Isinusuko ng ilang tao ang kanilang trabaho, at ang ilan ay palihim na nagdudulot ng mga kaguluhan, hindi nagsisikap na gawin ang kanilang tungkulin, at hindi gumagawa ng aktuwal na gawain. Ang gayong mga tao ay pinapalitan. Kung hindi mo gustong gawin ang gawain, bumaba ka sa puwesto. Bakit kailangang ikaw ang ginagamit para dito? Papalitan ka namin—iyon lang iyon. Simple, hindi ba? Kung sa hinaharap, magsisisi, magbabago, at gagawin ng mga taong iyon ang kanilang trabaho nang maayos, bibigyan sila ng isa pang pagkakataon—at kung magdudulot pa rin sila ng mga pagkagambala at kaguluhan sa parehong paraan, hindi na sila kailanman gagamiting muli. Mas mabuting gumamit Ako ng taong masunurin. Anong silbi ng palaging pakikisalamuha sa ganoong mga tao? Tama? Magiging mahirap iyon para sa kanila at nakapapagod para sa Akin. May mga prinsipyo para sa kung paano Ko pinangangasiwaan ang mga bagay na ito, at may mga prinsipyo rin para sa kung paano Ako makikisama sa iba. Ang isa pang dahilan kung bakit madali Akong pakisamahan ay dahil sa pakikisama sa mga tao, hindi Ako kailanman nanghihingi ng mga bagay na masyadong nakapapagod sa kanila. Gawin mo ang anumang makakaya mo; para sa mga bagay na hindi mo kayang gawin, ituturo Ko sa iyo ang mga ito, isa-isa. Gawin mo ang makakaya mo nang buong puso mo; kung hindi mo ito gagawin nang buong puso mo, hindi kita pipiliting gawin ito. Pagdating sa iba pa, ibig sabihin, kung paano ka nananalig sa Diyos, sariling usapin mo iyon. Kung wala kang makakamit sa huli, wala kang masisisi. Anong palagay mo sa mga prinsipyo Ko sa kung paano Ko tinatrato ang mga tao? Nararamdaman mo bang medyo mapagpalayaw ang mga ito? Talagang hindi iyon ang kaso—ang paraan ng pag-aasikaso Ko rito ay ganap na alinsunod sa mga prinsipyo. Anong mga prinsipyo ang mga iyon? Makinig sa Akin, at mauunawaan ninyo.

Ako, ang Diyos na nagkatawang-tao, ay gumagawa sa loob ng sangkatauhan—kaya Ko bang ganap na palitan ang Banal na Espiritu, o ang Espiritu ng Diyos, sa paggawa ng gawain? Hindi, hindi Ko kaya. Kaya, hindi Ko sinusubukang lumampas sa Aking mga limitasyon, sinasabing gusto Kong palitan ang Diyos sa langit at gawin ang lahat ng Kanyang gawain. Iyon ay pagdakila sa sarili Ko—hindi Ko kaya iyon. Isa Akong ordinaryong tao. Anuman ang kaya Kong gawin, ginagawa Ko. Ginagawa Ko kung ano ang magagawa Ko nang maayos; ginagawa Ko ito hanggang matapos, at ginagawa Ko ito nang maayos. Inilalagay Ko ang Aking puso at lahat ng Aking lakas sa paggawa nito. Sapat na iyon. Iyon ang gawaing napupunta sa Akin. Subalit kung hindi Ko ito nauunawaan, at nakaramdam Ako ng pagsuway sa katunayang ito, at hindi Ko ito kinilala, subalit palaging sinusubukang magpanggap na mahusay, palaging sinusubukang magpasikat, palaging sinusubukang magpakita ng ilang hindi kapani-paniwalang kasanayan, magiging ayon ba iyon sa mga prinsipyo? Hindi. Iniisip mo bang nauunawaan Ko ang usaping ito? Nauunawaan Ko, napakaayos! Ang saklaw ng kung ano ang masasabi ng katawang-tao ng Diyos at kung anong gawain ang magagawa ng katawang-tao ay ang saklaw ng gawain na Kanyang ginagawa sa katawang-tao. Higit pa sa saklaw na ito, ang mga taong lihim na nararanasan ang pagdidisiplina at pagpupungos ng Diyos, at ang kaliwanagan at pagpatnubay ng Banal na Espiritu, at maging ang pagkakaloob ng Diyos ng mga pangitain, at kung sino ang peperpektuhin ng Diyos at kung sino ang ititiwalag Niya, at kung anong pananaw at saloobin mayroon ang Diyos tungkol sa lahat ng tao—ang mga bagay na ito ay gawaing lahat ng Diyos. Kung may malapit kang pakikipag-ugnayan sa Akin, nakikita Ko rin ang mga bagay na ito—subalit kahit anong itsura Ko, gaano karami sa mga ito ang nakikita Ko? May limitasyon sa bilang ng mga taong nakikita Ko, at ang bilang ng nakasasalamuha Ko—paano posibleng makasama rito ang bawat isang tao? Imposible iyon. Hindi ba’t dapat na maging malinaw sa iyo ang bagay na ito? Sabihin mo sa Akin, malinaw ba sa Akin ang bagay na ito? Malinaw sa Akin. Ito ang dapat gawin ng isang normal na tao. Hindi Ko iniisip ang mga bagay na hindi Ko dapat gawin. May kakayahan ba ang mga tao para dito? Wala silang kakayahan—wala sila ng pagkamakatwirang iyon. Tinatanong Ako ng ilang tao, “Hindi ba’t palagi Kang palihim na tumitingin sa mga bagay-bagay? Hindi ba’t palagi Kang nagtatanong tungkol sa kung sino ang gumagawa ng kung ano at anong masasamang bagay ang sinasabi nila tungkol sa Iyo nang pribado, o kung sino ang palihim na nanghuhusga sa Iyo at nagsasaliksik sa Iyo?” Magiging matapat Ako sa iyo. Hindi Ako kailanman nagtanong tungkol sa mga bagay na iyon. Sino ang namamahala sa mga bagay na iyon? Ito ay ang Espiritu ng Diyos—sinusuri ng Diyos ang lahat; sinisiyasat Niya ang buong mundo at sinisiyasat Niya ang puso ng mga tao. Kung hindi ka naniniwala sa pagsisiyasat ng Diyos, hindi ba’t abnormal ang iyong katwiran? (Oo, abnormal ito.) Kung ganoon ay hindi ka isang taong tunay na nananalig sa Diyos, pinaiiral mo ang maling posisyon, at isang malaking problema ang naganap. Hinihingi Kong manalig kayo sa Diyos, at lubos Akong naniniwala rito. Kaya, ang Aking mga salita at gawa ay itinayo sa pundasyong ito. Hindi Ako gumagawa ng mga bagay na lampas sa Aking mga hangganan; hindi Ako gumagawa ng mga bagay na lampas sa saklaw ng Aking mga kakayahan. Hindi ba’t iyon ay isang disposisyon? (Isa itong disposisyon.) Hindi ito nakikita ng ilang tao nang ganoon. Iniisip nila na mayroon Akong ganitong pagkakakilanlan, ganitong katayuan, at ganitong kapangyarihan, kaya’t nagtataka sila kung bakit hindi Ako kumikilos nang ganoon. Iniisip nila na kailangan Kong maunawaan ang marami pang bagay, at maarok ang marami pang bagay, para lumabas na mayroon Akong higit na reputasyon, higit na katayuan, higit na kapangyarihan, at higit na awtoridad. Gaano man kalaking awtoridad at gaano man karaming kapangyarihan ang ibinibigay sa Akin ng Diyos, iyon ang tinataglay Ko. Hindi ito mga bagay na pinaghihirapan Ko, o mga bagay na inaagaw Ko. Ang awtoridad ng Diyos, ang Kanyang kapangyarihan, at ang Kanyang pagkamakapangyarihan sa lahat ay hindi mga bagay na maaaring katawanin ng isang hindi mahalagang laman. Kung hindi iyon malinaw sa iyo, may mali sa iyong katwiran. Kung hindi mo maunawaan ang bagay na ito pagkatapos ng maraming taon ng pananalig sa Diyos, masyado kang hangal at ignorante. Hindi Ako nagtatanong ng tungkol sa maraming bagay—subalit alam Ko ba ang mga ito sa Aking puso? (Alam Mo.) Ano ang alam Ko? Alam Ko ba ang pangalan ng lahat? Alam Ko ba kung ilang taon nang nananalig ang bawat tao sa Diyos? Hindi Ko kailangang malaman ang mga bagay na iyon. Sapat na para sa Akin na malaman ang mga kalagayan ng lahat, kung anong kulang sa lahat, ang antas kung saan nakamit nila ang buhay pagpasok, at kung anong mga katotohanan ang dapat marinig ng lahat, at madiligan, at matustusan. Ang malaman ang mga bagay na ito ay sapat. Hindi ba’t ito ang napupunta sa Akin? Para malaman kung ano ang napupunta sa Akin—kung ano ang dapat Kong sabihin at ang gawain na dapat Kong gawin—hindi ba’t pagkamakatwiran iyon? (Pagkamakatwiran ito.) Paano nagkakaroon ng gayong pagkamakatwiran? Kung ang Diyos na nagkatawang-tao ay wala man lang ng pagkamakatwirang ito, kung wala man lang Siya ng pamantayang iyon sa pagsukat ng lahat ng bagay at lahat ng pangyayari, anong katotohanan ang kailangan Niyang sabihin? Kung ang Diyos na nagkatawang-tao ay makikipaglaban sa Espiritu ng Diyos at makikipagkumpitensya sa Kanya para sa katayuan, hindi ba’t may nangyaring mali? Hindi ba’t mali iyon? Maaari bang maging ganyan ang mga bagay-bagay? Hindi—iyon ay isang bagay na hindi kailanman maaaring mangyari.

Ang ilang tao ay palaging nag-aalala at nagsasabing, “Palagi Ka bang nagtatanong tungkol sa amin at palaging palihim na nagsasaliksik tungkol sa amin? Palagi bang sinusubukan ng Diyos na sukatin kung ano ang iniisip natin tungkol sa Kanya at kung paano natin Siya tinitingnan sa ating puso?” Hindi Ko iniisip ang gayong mga bagay. Sumusobra sila! Anong silbi ng pag-iisip tungkol sa mga bagay na iyon? Ang lahat ng ito ay nasasakop ng pagsisiyasat ng Diyos. May saklaw sa mga pagkilos ng Espiritu ng Diyos, at mas lalo pa sa mga pagkilos ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay Diyos, Siya ang daluyan at pagpapahayag ng katotohanan, at ang gawaing ginagawa Niya sa yugtong ito ay kumakatawan sa yugtong ito, hindi sa huli. Magagawa lang ng Diyos na nagkatawang-tao ang gawain na nasa loob ng panahong ito at ng saklaw na ito. Maaari bang katawanin ng gawaing ito ang susunod na yugto, kung ganoon? Buweno, hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Sariling usapin iyon ng Diyos. Hindi Ako sosobra. Ginagawa Ko ang dapat Kong gawin; ginagawa Ko ang mga bagay na dapat at kaya Kong gawin. Hindi Ko kailanman pinipilit ang sarili Kong lampasan ang Aking mga limitasyon, sinasabing, “Ako ay makapangyarihan! Ako ay dakila!” Iyon ang Espiritu ng Diyos; kinakatawan lang ng Diyos na nagkatawang-tao ang pagpapahayag at daluyan para sa gawaing ginagawa ng Diyos sa panahong ito. Itinakda na ng Diyos ang saklaw ng Kanyang gawain at kung anong gawain ang Kanyang gagawin. Kung sasabihin mong, “Si Cristo na nagkatawang-tao ay makapangyarihan,” tama ka ba o mali? Kalahating tama, kalahating mali. Makapangyarihan ang Espiritu ng Diyos; hindi masasabing makapangyarihan si Cristo. Dapat mong sabihing makapangyarihan ang Diyos. Tama at tumpak na paraan iyon ng pagsasabi, at isa na nakaayon sa mga katunayan. Anong pagkamakatwiran ang dapat Kong taglayin? Sinasabi ng lahat na Ako ay Diyos, Diyos mismo, na Ako ay Diyos na nagkatawang-tao, kaya naniniwala ba Ako na kaya Kong humalili sa Diyos mismo, para sa Kanyang Espiritu? Hindi Ko kaya. Kahit na ibinigay sa Akin ng Diyos ang kapangyarihan at kakayahang iyon, hindi Ko maisasakatuparan iyon. Kung kaya Kong humalili sa Diyos sa ganoong paraan, hindi ba’t iyon ay magiging isang uri ng katumbas na kalapastanganan laban sa Kanyang disposisyon at diwa? Napakalimitado ng katawang-tao! Hindi iyon ang paraan para maunawaan ito; hindi iyon ang anggulo para harapin ang paksang ito. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Kaya, dahil tinataglay Ko ang mga kaisipang ito, ang mga prinsipyong ito sa paggawa ng mga bagay, at mga pagsasaalang-alang sa paggawa ng bawat bagay, hindi Ako parang Diyos sa maraming tao, at may ilan pa nga na, bago sila makipag-ugnayan sa Akin, ay nagkikimkim ng ilang pantasya, imahinasyon, at kuru-kuro, na maingat at mapagmatyag sa mga kilos nila, at pagkatapos sa sandaling makita nila Ako, iniisip nilang, “Tao lang siya, hindi ba? Walang nakatatakot sa kanya.” Pagkatapos nito, kumikilos na sila nang walang pagpipigil—nagiging mapangahas sila, at nangangahas silang mag-amok sa paggawa ng di-mabubuting bagay. Ano ang tawag sa kanila? Mga hindi mananampalataya. Kung nananampalataya ka lang sa Diyos na nagkatawang-tao, at hindi sa Espiritu ng Diyos, isa kang hindi mananampalataya; at kung nananampalataya ka lang sa Espiritu ng Diyos, at hindi sa Diyos na nagkatawang-tao, isa ka ring hindi mananampalataya. Ang Diyos na nagkatawang-tao at ang Espiritu ng Diyos ay iisa—iisa Sila. Hindi Sila nakikipaglaban sa isa’t isa, lalong hindi Sila hiwalay sa isa’t isa, at mas lalong hindi na ang bawat isa ay ang sarili Nilang katauhan. Iisa Sila—kaya nga lang ay dapat harapin ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain at ang Diyos mula sa perspektiba ng katawang-tao. Iyan ang gawain ng katawang-tao, at wala itong kinalaman sa inyo—gawain ito ni Cristo, at wala itong kinalaman sa sangkatauhan. Hindi mo maaaring sabihin na, “Kaya iniisip mo na isang ordinaryong tao ka rin. Sige, parehong uri tayo ng tao, kung ganoon—magkapareho lahat tayo.” Ayos lang bang sabihin iyon? Isa itong pagkakamali. Sinasabi ng ilang tao na, “Mukhang madali kang pakisamahan, kaya huwag na tayong maging pormal. Tratuhin natin ang isa’t isa na parang magkakabarkada, na parang magkakaibigan; maging katapatang-loob tayo ng isa’t isa—maging magkaibigan tayo.” Ayos lang ba iyon? Ang mga taong iyon ay walang espirituwal na pang-unawa; sila ay mga hindi mananampalataya. Habang mas ibinabahagi mo ang iyong damdamin sa kanila, at nakikipag-usap sa kanila tungkol sa katotohanan, mga katunayan, at sa katotohanang realidad, mas lalo ka nilang hinahamak—mga hindi mananampalataya ang mga taong ito. Habang mas nagsasalita ka tungkol sa malalalim na misteryo, at nagsasabi ng mga islogan, doktrina, at abstraksiyon, at habang mas iginigiit mo ang iyong katayuan, nagpapasikat, at nagpapakitang-gilas, mas pinapahalagahan ka nila—ang mga ito ay mga hindi mananampalataya. Kapag nakakikita sila ng isang tao na may prinsipyo at maingat sa kanyang mga pagkilos, na ang mga pagkilos ay nakaayon sa katotohanan, na kayang harapin ang mga positibo at negatibong bagay nang may mga malinaw na hangganan at pagkilatis—habang mas katulad niyon ang isang tao, mas lalo nila siyang minamaliit, at iniisip na hindi nila siya karapat-dapat bigyang-pansin—ito ay mga hindi mananampalataya.

Kapag nakikisalamuha Ako sa mga tao at nakikipag-ugnayan sa kanila, sinuman sila o gaano man maging katagal ang pakikipag-ugnayan, nararamdaman ba ng sinuman sa kanila na: “Palagi Niya akong sinusubukang kontrolin, pinamamahalaan Niya ang lahat ng mga usapin ng aking sambahayan, palagi Niya akong sinusubukang lupigin”? Hindi kita nilulupig! Ano ang magiging pakinabang doon? Basahin mo ang mga salita ng Diyos sa iyong sarili, at pagnilayan ang mga ito at pumasok sa mga ito nang dahan-dahan. Kung ikaw ay isang taong naghahangad sa katotohanan, gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at ang Diyos ay magkakaroon ng mga pagpapala at patnubay para sa iyo. Kung hindi ka isang tao na naghahangad sa katotohanan, kung palagi kang mapanlaban sa lahat ng Aking sinasabi, at ayaw mong marinig ito, at hindi ito tinatanggap, sa huli, ay palagi kang mabubunyag, at ang mga bagay-bagay ay palaging magkakamali kapag kumikilos ka—hindi mo tataglayin ang pamumuno ng Diyos. Paano iyon nangyayari? (Sinisiyasat ng Diyos ang lahat.) Hindi lang sa sinisiyasat ng Diyos ang lahat. Pagdaanan mo ito at danasin ito para sa sarili mo. Kapag may sinasabi Ako, sumasang-ayon man dito ang mga tao o hindi, o tinatanggap man nila ito o hindi, itinataguyod ba ito ng Banal na Espiritu, o wala ba Siyang pakialam? (Itinataguyod Niya ito.) Tiyak na itinataguyod ito ng Banal na Espiritu at talagang hindi Niya ito pahihinain. Tama para sa inyong tandaan ito. Matatanggap man ng mga tao ang sinasabi Ko o hindi, darating ang araw na magiging malinaw ang mga katunayan, at sa isang sulyap, sasabihin ng lahat na, “Tama pala talaga ang sinabi Mo! Matagal Mo nang sinabi ito—bakit wala akong ideya tungkol dito?” Naniwala man kayo noong oras na iyon na ang Aking mga salita ay nagmula sa Aking imahinasyon, o mula sa Aking isipan, o mula sa kaalaman—isang araw, pagkatapos maranasan ang ilang bagay, maiisip ninyo na, “Katotohanan pala talaga ang mga sinabi Mo!” At paano ka nakarating sa ganitong pang-unawa? Mula sa karanasan. Kung magagawa mong makamit ang kaalamang ito, magiging sa pamamagitan ba ito ng mental na pagsusuri? Talagang hindi; aakayin ka rito ng Banal na Espiritu—magiging gawa ito ng Diyos. Nagpapatuloy ang mga walang pananampalataya buong buhay nila nang may kaunting kaalaman tungkol sa ilan sa mga tuntunin para sa langit at lupa at lahat ng bagay, pero kaya ba nilang makamit ang katotohanan? (Hindi.) Kaya, ano ang kulang sa kanila? (Wala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu.) Tama. Wala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu—iyan ang kulang sa kanila. Kaya, gaano mo man Ako ituring at suriin bilang isang tao, at paano mo man tinatrato ang mga salitang sinasabi Ko at ang mga bagay na ginagawa Ko, sa huli ay dapat magkaroon ito ng resulta. Kikilos ang Diyos, at ibubunyag Niya kung tama o mali ang iyong pinili, kung tama o mali ang iyong saloobin, at kung may naging mali sa iyong pananaw. Itinataguyod ng Diyos ang gawain ng Kanyang katawang-tao. Bakit hindi sinusuportahan ng Diyos ang ibang tao, kung ganoon? Bakit hindi Niya sinusuportahan ang mga anticristo? Ito ay dahil ang Espiritu at ang katawang-tao ay iisa; Pareho sila ng pinagmulan. Sa katunayan, hindi ito pagtataguyod—ibig sabihin, kapag naranasan mo na hanggang sa wakas, ito man ay mga salitang binigkas ng Diyos na nagkatawang-tao o ang mga dumating sa iyo mula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu, magiging magkatugma ito. Hindi kailanman sasalungatin ng mga ito ang isa’t isa; magiging magkaayon ang mga ito. May kumpirmasyon ba kayo nito? Mayroon ang ilang tao, habang ang iba ay hindi pa umaabot sa puntong ito sa kanilang karanasan, at hindi nagtataglay ng kumpirmasyon nito. Ibig sabihin nito na hindi pa umaabot ang kanilang pananampalataya sa puntong iyon; napakaliit pa rin nito. Sa madaling salita, kapag ang iyong paniniwala ay umabot sa isang partikular na antas, biglang darating ang isang araw na mararamdaman mo na ang isang ordinaryong parirala, na binigkas ng ordinaryong katawang-tao na ito, isang parirala na sa tingin mo ay hindi lubhang kahanga-hanga nang marinig mo ito, ay naging buhay mo. Paano ito magiging buhay mo? Sasandig ka rito, nang hindi nalalaman, sa iyong mga pagkilos. Magiging gabay ito para sa iyong pang-araw-araw na buhay. At kapag wala kang landas, ang pariralang iyon ay magiging katotohanan mo, at ito ay magiging isang layunin na nagpapakita sa iyo ng landas; kapag nakararamdam ka ng sakit, ang pariralang iyon ang magbibigay-daan para makalabas ka sa pagiging negatibo at maunawaan kung ano ang problema mo. Pagkatapos ng gayong karanasan, makikita mo na kahit gaano ka-ordinaryo ang pariralang iyon, may bigat at buhay sa mga salita nito—na ito ang katotohanan! Kung hindi ka tutuon sa paghahangad sa katotohanan at hindi mo mahal ang katotohanan, maaaring kondenahin mo ang Diyos, at ang Kanyang pagkakatawang-tao, at ang mga katotohanang ipinahahayag Niya. Kung isang tao kang naghahangad sa katotohanan, darating ang isang araw sa iyong karanasan na sasabihin mong, “Sadyang madaling pakisamahan ang Diyos. Sadyang madaling pakisamahan ang Diyos na nagkatawang-tao”—subalit walang magsasabi na, “Pinakikisamahan ko Siya na para bang Siya ay isang tao.” Bakit ganito? Dahil ang karanasan mo ng mga salita ni Cristo, at ng gawain na ginagawa ng Banal na Espiritu sa iyo kapag hindi mo Siya nakikita sa iyong pang-araw-araw na buhay, ay pareho. Ano ang pupukawin sa iyo ng “pareho” na ito? Sasabihin mong, “Ang Diyos ay nag-anyo ng isang ordinaryong, pangkaraniwang panlabas, ang larawan ng isang katawang-tao, kaya hindi napansin ng mga tao ang Kanyang diwa. Tiyak na ito ay dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao kaya hindi nila nakikita ang bahagi ng Diyos na Kanyang diwa. Nakikita lang nila ang bahaging nakikita ng tao. Talagang walang katotohanan ang mga tao!” Hindi ba’t ganyan ito? (Ganyan nga.) Ganyan nga ito. Sa ilang gawain, halimbawa, kung maraming aspekto nito ang hindi Ko kayang gawin, maraming tao ang siguradong makabubuo ng mga kuru-kuro. Subalit kapag nagagawa Ko ang ilan sa bawat aspekto ng gawain, mas kalmado nang kaunti ang lahat, at medyo nagkakaroon sila ng kaaliwan sa puso: “Sige. Para Siyang Diyos—iyon lang ang masasabi ko. Para Siyang Diyos na nagkatawang-tao, Siya ay parang Cristo. Malamang siya si Cristo.” Iyon lang ang uri ng depinisyong mayroon ang mga tao. Pero kung makikipagbahaginan lang Ako ng katotohanan at magpapahayag ng ilang salita ng Diyos, at wala nang ginawang higit pa roon—kung hindi Ako nagbigay ng praktikal na payo tungkol sa anumang gawain, at hindi nagawang makapagbigay ng praktikal na payo, mababawasan noon ang pagtingin ng mga tao sa katawang-tao na ito at sa bigat na itinatakda nila sa Kanya. Naniniwala ang mga tao na ang katawang-tao ay dapat nagtataglay ng partikular na mga abilidad at mga partikular na talento. Ito ba, sa katunayan, ay isang talento? Hindi. Maipagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang lahat ng uri ng mga talento, kaloob, at abilidad, kaya sabihin mo sa Akin, ang Diyos ba mismo ay nagtataglay ng ganoong mga bagay? Napakarami! Kaya, may ilang tao na hindi kayang lutasin ang palaisipang ito, at nagsasabing, “Paano Mo kami tuturuang kumanta kung Ikaw mismo ay hindi marunong kumanta? Hindi ba’t iyon ay isang di-propesyonal na nagbibigay ng mga tagubilin sa mga propesyonal? Hindi ba’t sumasalungat iyon sa mga prinsipyo?” Sasabihin Ko sa iyo, Ako ang eksepsyon. Bakit ganoon? Kung hindi ninyo kayang gawin ang isang bagay nang maayos, kailangan Kong iabot ang Aking kamay para tulungan kayo; kung may magagawa kayo, ayos lang sa Akin ang hindi makialam, ayaw Kong makialam—mapapagod Ako sa paggawa nito. Kung kaya ninyong gawin ang isang bagay nang maayos, bakit kailangan Kong iabot ang Aking kamay para tulungan ka? Hindi Ako nagpapakitang-gilas dito, at hindi Ako naglalabas ng matatayog na ideya. Gusto Ko lang kayong turuan, sa larangan ng mga propesyonal na kasanayan at sa larangan ng mga katotohanang prinsipyo. Kapag natutunan na ninyong lahat ang mga kasanayan at naarok ang mga prinsipyo, isang malaking pabigat ito na matatanggal sa Aking puso, dahil ang mga bagay na iyon ay nasa labas ng gawaing nauukol sa Akin na gawin. Sinasabi ng ilan na, “Kung hindi ito trabaho na nauukol sa Iyo, bakit Mo ito ginagawa?” Dapat itong gawin, at malayo pa ang mga tao sa pagiging handa para sa gawain. Kung hindi Ako nagbigay ng payo tulad nang ginagawa Ko, ang mga nagawang gawain ay hindi magiging espesyal, at magbubunga ng hindi gaanong kahusay na mga resulta ang pagpapatotoo sa Diyos. Kung wala Akong maipapakitang makabuluhang mga gawain, magiging medyo pabaya Ako at hindi rin mapapakali, kaya gagawa Ako ng kaunting trabaho, ayon sa pinapayagan ng Aking lakas at kondisyon ng katawan. Bakit? May ilang pagsasaalang-alang. Kapag nakita ng buong sangkatauhan ang mga bagay na ginawa ng mga tao, at inunawa ang mga ito, ang mga perspektiba, pananaw, at kakayahan sa pag-arok ng mga tao na naiiba lamang pagdating sa kung gaano katagal sila naging mananampalataya, kanilang karanasan, at kanilang kakayahan, pero karaniwang magkaparehong lahat ang kanilang mga pinagsimulan. Ang mga pinagsimulan nila ay ang mga karanasan nila sa katotohanang prinsipyo batay sa kanilang pagkaunawa sa katotohanan. Ito ang mga bagay na kayang gawin ng sangkatauhan. Hindi Ko kayang gumawa ng mga bagay o gumawa ng mga gawain mula sa perspektiba ng isang ordinaryong tao. Anong perspektiba ang dapat Kong gamitin, kung ganoon? Iyong sa katawang-tao? Hindi Ko rin kayang gawin iyon. Hindi ito magiging angkop, hindi ba? Siyempre, gagamitin Ko ang perspektiba ng Diyos at ng Kanyang gawain mula sa katawang-tao, para sabihin ang mga salitang iyon, gawin ang mga bagay na iyon, at ipahayag ang mga pananaw na iyon. Masusukat ba ng pera ang halaga ng mga bagay na ito sa sangkatauhan? (Hindi.) Hindi maaari. Ito ay dahil ang mga bagay na ito, kapag ginawang mga natapos na gawain, ay mga bagay na mananatili magpakailanman para sa sangkatauhan. Siyempre, mananatili rin magpakailanman ang mga ordinaryong gawaing iyon. Pero dahil ang mga gawaing ito ay mananatili magpakailanman, at sa hinaharap, at magbibigay ng kontribusyon sa buong sangkatauhan, maging gabay man ang mga ito sa pananalig sa Diyos, o mga probisyon at tulong, dapat Akong gumawa ng ilang mas mabigat na gawain, tama ba? Iyon ang dahilan kung bakit kailangan Kong magsabi ng mga salita at gumawa ng mga gawain mula sa isang perspektiba na hindi kayang gawin ng sangkatauhan. Para saan Ko ito ginagawa? Para madagdagan ang katanyagan ng iglesia. Tama ba ang motibong iyon? (Tama.) Sabihin mo sa Akin, kapaki-pakinabang ba sa pagpapatotoo para sa Diyos kung tumaas ang katanyagan ng iglesia? (Oo.) Itinataguyod ba ito nito, o pinipigilan ito? (Itinataguyod nito ito.) Tiyak iyon—tiyak na itinataguyod ito nito. Kapag nakikita ng ilang walang pananampalataya at mga relihiyosong grupo ang mga gawaing ito, namamangha sila kung gaano kahusay ang pagkakagawa sa mga pelikulang ito, at palaging hinihiling na makilala ang tagagawa ng pelikula sa likod ng kamera. Hindi Ako makikipagkita sa mga taong ito. Wala Akong oras para makipagkita sa mga taong ito, at hindi Ko alam kung ano ang magiging layunin ng pakikipagkita nila sa Akin. Anong silbi sa Akin ng pakikipagkita sa kanila, kung ganoon? Kung kayang tanggapin ng mga taong iyon na nakakapanood sa mga pelikulang ito ang katotohanan, sapat na iyon, at kung handa nilang imbestigahan ang tunay na daan, mas mabuti iyon. Hindi kinakailangan para sa kanila na makipagkita sa Akin. Sa madaling salita, gumagawa Ako ng ilang mabigat na gawain, para kapag nakita ng sangkatauhan ang mga bagay na ito, ito ay medyo may mas malaking pakinabang sa kanila. Mabuting bagay o masamang bagay ba ito, na ipaubaya ang mga bagay na ito sa sangkatauhan? (Isang mabuting bagay.) Kapaki-pakinabang ito; karapat-dapat itong gawain.

Ito ang paraan na mayroon Ako para makisama sa inyo. Ang relasyon na mayroon Ako sa inyo ay itong nakikita at nararamdaman ninyo. Kaya, anong uri ng relasyon mayroon ang Diyos sa inyo? Mararamdaman ba ito? Pareho ito. Huwag mong isiping, “Ang Diyos na nagkatawang-tao ay isang tao; madali Siyang pakisamahan. Pero ang Diyos sa langit ay hindi, taglay ang pagiging maharlika at poot Niya—nakakatakot Siya!” Ang Diyos ay tulad Ko. Hindi Niya kayo lulupigin o kokontrolin sa pamamagitan ng isang puna o isang pamamaraan, o sa pamamagitan ng puwersa. Hindi Niya gagawin iyon. Makikisama Siya sa inyo kung paanong nararamdaman ninyong pinakikisasamahan Ko kayo: tinuturuan Ko kayo nang anumang makakaya Ko, at binibigyang-kakayahan Ko kayong maunawaan ang anumang makakaya Ko. Para sa mga bagay na hindi ninyo kayang maunawaan, hindi Ko kayo sapilitang iniindoktrinahan ng mga ito. Puwedeng sabihin ng ilan na, “Sinasabi Mo na hindi Mo kami iniindoktrinahan sa pamamagitan ng puwersa—buweno kung gayon, ano ang ginagawa Mo sa pangangaral ng katotohanan sa lahat ng oras?” Indoktrinasyon ba iyon? Tinatawag iyong pagtutustos sa inyo—hindi ito isang kaso ng pamumuwersa sa inyong umunlad, pagdidilig ito. Wasto ang pagdidilig; isa itong positibong bagay. Sasabihin ng ilang, “Hindi ba’t ang panlulupig ng mga anticristo sa mga tao ay katulad nang sa Diyos?” (Hindi ito ganoon.) Sa anong paraan na hindi ito ganoon? Ang parehong salita ay ginagamit sa panlulupig ng mga anticristo sa mga tao at sa panlulupig ng Diyos sa mga tao; ano ang pagkakaiba ng diwa sa pagitan ng dalawang paggamit na iyon ng salita? Maipapaliwanag ba ninyo ito nang malinaw? Kung kahit iyon ay hindi ninyo magawa, sadyang napakababa ng inyong pang-unawa sa katotohanan. (Ang panlulupig ni Satanas sa mga tao ay sapilitang pagkontrol, samantalang ang sa Diyos ay ang probisyon ng katotohanan—ito ay pagsasabi sa mga tao ng mga katotohanang prinsipyo, na maisasagawa ng mga tao, at sa ganoon ay makapagkakamit ng buhay.) Kaya, tinatanong Ko kayo: kinokontrol at nilulupig ni Satanas ang mga tao, pero tinataglay ba nito ang katotohanan? (Hindi.) Ano si Satanas? Sa mga anong batayan nito nilulupig ang mga tao? Sa madaling salita, ano ang nagbibigay-kuwalipikasyon kay Satanas na lupigin ang mga tao at subukang sila ay makamit? Wala si Satanas ng kahit anuman. Kaya, ano ang ginagamit nito para lupigin ang mga tao? Ano ang maibibigay nito sa mga tao, kapag nalupig na nito sila? Magagawa ka lang nitong gawing tiwali; magagawa ka lang nitong paglaruan at sirain, at sa huli, kapag tapos na itong sirain ka, ipapadala ka nito pababa sa impiyerno. Ano ang uri ng panlulupig at pagkontrol nito? Ito ay tahasang pang-aabuso. Ang layunin nito sa pagkontrol at paglupig sa iyo ay para pigilan kang magpasakop sa Diyos at sa katotohanan, at gawin kang magpasakop kay Satanas. Para kay Satanas, mali ang magpasakop ka sa Diyos, at tama ang pagpapasakop dito. Kung nagpapasakop ka kay Satanas, at nakokontrol at nalulupig nito, iniwan mo na ang Diyos at lubos Siyang tinanggihan. Paano, kung ganoon, gumagana ang panlulupig ng Diyos sa mga tao? Ang Diyos mismo ang katotohanan; Siya ang realidad ng lahat ng positibong bagay, ang pinagmumulan ng lahat ng positibong bagay, ang pinagmumulan ng katotohanan. Ano, kung ganoon, ang mga tao? Ang mga tao ay isang uring ginawang tiwali ni Satanas. Hindi nila tinataglay ang katotohanan. Kaya, dapat hatulan at kastiguhin ng Diyos ang mga tao, at subukan at pinuhin sila, sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan at paglalantad ng tiwaling disposisyon ng tao, para maunawaan ng mga tao ang mga salita na Kanyang sinasabi, at kilalanin Siya bilang Lumikha at sila bilang Kanyang mga nilikha, at lumapit sa Kanya, magpatirapa sa Kanya, at tanggapin ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Hindi ba’t naaayon ang lahat ng ito sa katotohanan? (Naaayon ito.) Kaya, ano ang panlulupig na ito? Ito ay pagkakamit ng mga tao, ito ay kaligtasan; ito ay isang positibong bagay. Hindi ito nakasasama sa iyo. Wala bang pagkakaiba sa pagitan niyon at ng panlulupig ni Satanas? Nararapat para sa Diyos na lupigin ang mga tao. Siya ang katotohanan, ang pinagmumulan ng lahat ng positibong bagay. Ang sabihing “nilulupig Niya ang sangkatauhan” ay napakaangkop na paraan para sabihin ito! Hindi tinataglay ng sangkatauhan ang katotohanan, sila ay lubos na ginawang tiwali ni Satanas, at ginawang kauri nito. Kaya nga hindi nagpapasakop ang mga tao sa Diyos, at itinatanggi Siya, at tinatanggihan Siya. Ano ang dapat gawin tungkol dito? Dapat ipahayag ng Diyos ang katotohanan at gamitin ang mga pamamaraan ng pagkastigo at paghatol para maunawaan ng mga tao kung sino ang Diyos, kung sino ang Lumikha, kung sino ang mga nilikha, at kung sino si Satanas, at gawin silang kilalanin ang Panginoon at bumalik sa Kanya, kilalanin ang Lumikha, at kilalanin ang kanilang sarili bilang Kanyang mga nilikha sa Kanyang presensiya. Iyon ang ibig sabihin ng panlulupig. Nauunawaan ba ng mga nilupig ng Diyos ang katotohanan, o hindi? (Nauunawaan nila.) At ang mga taong nilupig ni Satanas—ano ang napapala nila? Wala silang nauunawaang mga katotohanan, at iniiwasan nila, ipinagkakanulo, at tinatanggihan ang Diyos, may mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, at sinusundan pa nga si Satanas at ang mga anticristo. Puwede pa nga nilang husgahan ang Diyos, maghimagsik laban sa Kanya, at isumpa Siya, tumatangging kilalanin ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, lalong hindi ang magpasakop dito. Katanggap-tanggap na mga nilikha ba ang mga ito? (Hindi.) Sila ang eksaktong kabaligtaran ng mga taong nilupig ng Diyos; ang epekto ay ang kabaligtaran ng panlulupig ng Diyos sa mga tao.

Kung ang isang tulad ng isang anticristo ay may katayuan, at pumunta siya sa isang lugar kung saan hindi alam ng mga tao na siya ay isang lider, matutuwa ba siya tungkol dito? Hindi. Saanman siya magpunta, gagamitin niya ang anumang paraan na mayroon siya para sabihin sa lahat na, “Ako ang lider; ipaghanda mo ako ng pagkain. Kailangan kong kumain ng masarap!” Ano sa palagay ninyo ang pananaw Ko tungkol sa katayuan? (Hindi kayo interesado rito.) Paano naipamamalas ang kawalan ng interes na iyon? Kapag nagpupunta Ako sa isang lugar, sinasabi Ko sa mga tao roon hanggang sa makakakaya Ko na huwag basta-bastang ipagkalat o ipamalita sa mga tao ang Aking pagkakakilanlan. Bakit Ko ito ginagawa? Dahil kapag nalaman ng mga tao ang tungkol dito, masakit talaga ito. Kung hindi nila alam, puwedeng magsabi sila nang kaunti sa Akin kung ano ang nasa puso nila; masakit ito kapag nalaman nila—tumitikom ang bibig nila sa Akin. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t malulungkot Ako, na walang sinumang magsasabi ng nilalaman ng kanilang puso sa Akin? Sinisikap Ko nang sobra na huwag ipaalam sa mga tao, para tratuhin nila Ako na parang isang karaniwang tao, at sabihin kung ano ang gusto nilang sabihin sa Akin. Napakainam para sa mga tao na makaramdam ng kalayaan at kaluwagan, para hindi Ko sila palaging ginagapos, at para hindi sila palaging magiging masyadong magalang sa Aking presensiya. Hindi kailangang kumilos sila nang ganoon; hindi Ko gusto iyon. Iniisip ng mga hindi nakauunawa sa katotohanan na, “Tiyak na gusto Mo iyan, kaya ganyan Kita tatratuhin.” Kapag nakakakita Ako ng ganyang mga tao, nagtatago Ako. Kapag nakakakita Ako ng taong palaging labis-labis ang pagiging magalang, nagtatago Ako, singbilis ng makakaya Ko. Talagang ayaw Kong makipag-ugnayan sa ganoong mga tao—masyadong malaking abala, masyadong malaking problema! Pero iba ang mga anticristo. Umaasa silang makakamit ang paggalang ng mga tao, para makatanggap ng espesyal na pagtrato saanman sila magpunta. At ano pa ang mas inaasahan nila? Na hangga’t naririto sila, ang mga tao sa ilalim ng kanilang pamumuno ay ganap na susunod sa kanilang mga utos, at susunod sa kanila nang walang kompromiso, hanggang sa punto ng pagiging lubos; pagkatapos iniisip nilang, “Tingnan mo—ano ang tingin mo sa mga sundalong pinamumunuan ko, sa grupong pinamumunuan ko? Ginagawa nilang lahat ang sinasabi ko, nang masunurin.” Nakararamdam sila ng isang espesyal na pakiramdam ng tagumpay. Sinasanay nila ang mga tao na maging tulad ng mga papet, na maging tulad ng mga alipin, na walang indipendiyenteng kaisipan, o mga sarili nilang opinyon, o mga pananaw; ginagawa nilang manhid at mapurol ang pag-iisip ng bawat isa sa kanila. Ang mga anticristo pagkatapos ay nakararamdam ng kagalakan at kasiyahan sa kaibuturan ng kanilang puso, nararamdamang nagbunga ng mga resulta ang kanilang gawain, na natupad ang kanilang mga pagnanais at ambisyon. Kung hindi ganoon ang mga bagay, nalulungkot sila nang sobra: “Bakit hindi na lang gawin ng mga tao ang sinasabi ko? Anong pamamaraan ang dapat kong gamitin para sundin nila ako? Sige—kung hindi mo alam na kahanga-hanga ako, kailangan ko lang na ipakita sa iyo! Mayroon akong graduate degree; dala-dala ko ang diploma ko araw-araw, para makita mo ito. Naipasa ko ang Pagsusulit para sa mga Medyor sa Ingles Ikawalong Baitang, at naging lider ako ng unyon ng mga mag-aaral. Dahil sa nakikita kong hindi ninyo ako masyadong nauunawaan, magpapakitang-gilas ako nang kaunti sa inyo!” Sa tuwing tinatalakay nila ang gawain, sinasabi nila, “Anumang kaisipan ang mayroon kayong lahat, sabihin ninyo ang mga ito; malaya ninyong ipahayag ang inyong mga pananaw—huwag kayong magpapigil sa akin.” At kaya, nagsimulang magpahayag ang mga tao roon ng kanilang mga pananaw. Pagkatapos nilang gawin ito, sinasabi nitong “superyor na tao” na ito na may graduate degree, “Hindi mahusay ang inyong mga pananaw. Karaniwan ang lahat ng mga ito, lahat ng pananaw ng mga karaniwang tao. Kailangan ko talagang makialam—tingnan ninyo: Hindi ninyo magagawa ang gawain! Hindi ko gustong akuin ang gawaing ito, sa katunayan, pero kung wala ako rito, hindi ninyo talaga magagawang akuin ang pasaning ito, kaya kailangan kong tumulong. Pinag-isipan kong mabuti ang bagay na ito. Ganito natin ito aasikasuhin. Wala sa mga binanggit ninyong pakana ang gagana; bibigyan ko kayo ng isang mas mahusay. Iyon ang hinihingi sa amin ng mga pagsasaayos ng gawain dati—simula ngayon, hindi na namin susundin ang mga regulasyong iyon. Hindi na namin ito gagawin nang tulad niyon.” Sinasabi ng ilang tao na, “Kung hindi tayo kikilos alinsunod sa mga pagsasaayos ng gawain, magdudulot ito ng malaking kawalan sa sambahayan ng Diyos.” Sumasagot sila, “Huwag ninyo itong masyadong isipin—pagmamalasakitan ba ng sambahayan ng diyos ang maliit na halagang ito ng pera? Tutukan natin ang mga resulta—ang mga ito ang mahalaga. Simula ngayon, gawin ninyo na lang ang sinasabi ko. Kung may mangyaring mali, tatanggapin ko ang sisi!” Walang makapipigil sa kanila. Hindi ba’t naglalabas lang sila ng magagarbong ideya? Ano ang layunin nila sa paggawa niyon? Ito ay para magpakitang-gilas, at paalalahanan ang bawat isang tao sa lahat ng oras ng tungkol sa kanilang pag-iral, pati na rin ng kanilang galing. Sa anong paraan sila magaling? Sa pagiging mahirap nilang unawain sa mga ordinaryong tao. Kahit na may parehong pananaw ang mga anticristo tulad ng sa ibang mga tao, tinatanggihan pa rin nila ang pananaw na iyon kapag ipinahahayag ito ng iba, na pagkatapos noon ay nagsisimula silang muli at nangunguna sa muling pagpapahayag nito. Naririnig sila ng grupo at sinasabing: “Hindi ba’t parehong ideya rin iyon?” Sinasabi nila, “Pareho o hindi, ako ang nagsabi. Hindi kayo ang nagsabi nito. Ako ang nanguna sa ideyang ito.” Gaano man sila pabalik-balik sa sinasabi nila, ang layunin nila ay kumbinsihin ang lahat, para ipaalam sa mga tao na: “Hindi ako isang lider para sa wala; hindi ako ang lider ng grupo at ang taong namamahala para sa wala. Hindi lang ako puro salita—hindi ako mapupunta sa posisyong ito kung wala ang aking mga talento, kaloob, at abilidad.” Kung may mangyayari habang wala sila, walang ibang magsasabi kung ano ang mga dapat gawin, at kung naroon sila, sila dapat ang magsasabi kung ano ang mga dapat gawin. Dapat bantayan ng lahat ang kanilang ekspresyon. Makakahinga lang nang maluwag ang bawat tao kapag sila ang nagsasabi ng mga dapat gawin; kung hindi, nababalisa ang lahat. Kung hindi sila pinapayagang magsabi ng kung ano ang mga dapat gawin, hindi magiging posibleng lutasin ang kasalukuyang gawain. Wala ba silang layunin sa paggawa nito? Minsan iniisip nila sa sarili nilang, “Tama ba ang ginagawa ko? Mas mabuting hindi ko na ito gawin—ginagawa kong hangal ang sarili ko. Hindi ba’t ganito kumikilos ang mga anticristo? Hindi puwede iyon; ang karangalan ko ang mahalaga. ‘Anticristo’? Hindi ako kinondena ng itaas, kaya hindi ako isang anticristo!” At patuloy silang umaasta nang gaya ng dati. Minsan, alam na alam nilang lumalabag sa mga pagsasaayos ng gawain at sa mga katotohanang prinsipyo ang ginagawa nila, na halatang isinasaalang-alang nila ang sarili nilang karangalan at katayuan, na mayroon silang mga sarili nilang layunin—pero patuloy nilang ginagawa ang ginagawa na nila, nang hindi iniisip ang mga kahihinatnan, lalo nang walang may-takot-sa-Diyos na puso. Hindi ba’t ito ay isang disposisyonal na problema? Ano ang idudulot sa kanilang gawin ng ganitong uri ng disposisyon? Na maging lubhang makasarili, at na mag-amok sa paggawa ng di-mabubuting bagay. Hindi ba talaga nila alam sa puso nila ang tamang paraan ng pagkilos? Hindi ba talaga nila nauunawaan na ang ginagawa nila ay lumalabag sa mga prinsipyo? Hindi ba talaga nila alam na ang ginagawa nila ay panlilinlang at pagkontrol sa iba, na gumagawa sila ng kasamaan? Alam at nauunawaan nila ang mga bagay na ito. Na patuloy pa rin silang nakakikilos sa parehong paraan ay nangangahulugang hindi nila mahal ang katotohanan at tutol sila rito. Tinatanggihan nila ang anumang pananaw, daan, pamamaraan, o pahayag, hangga’t hindi ito nagmumula sa bibig nila. Hindi ba’t ito ay ambisyon? (Ambisyon ito.) May ambisyon at masasamang layunin na nakapaloob dito. Anong masasamang layunin? Ano ang nakatago sa likod nito? (Pagpapagawa sa mga tao ng sinasabi nila.) Pagpapagawa sa mga tao ng sinasabi nila—talagang hindi nila puwedeng palampasin ang anumang ganoong kalamangan o pagkakataong mamukod-tangi, o payagan ang mga ito na mapunta sa sinumang iba pa. Sa bawat pagkakataon, sila dapat ang gumagawa ng mga desisyon; sa bawat pagkakataon, sila dapat ang nagsasabi kung ano ang mga dapat gawin; sa bawat pagkakataon, ang mga bunga ng gawain ay dapat na sa kanila lamang, at dapat na makredito sa kanila lamang. Sa huli, idinudulot nilang bumuo ang lahat ng isang tendensiya. Anong tendensiya? Ang tendensiyang isipin na gagana lang ang gawain kapag nasa grupo sila—kung wala sila, para bang walang ibang makaaako ng pasanin. Dahil dito, hindi ba’t natupad na nila ang kanilang layunin? Ang mga taong iyon ay napasailalim na sa kanilang kontrol. Ano ang pasimula sa pagiging kontrolado? Ang pagiging lubusang nalupig at natalo—pinahihirapan ka ng mga anticristo para sumuko sa kanila, para hindi mo malaman ang tama sa mali, at hindi mo subukang kilatisin sila o iugnay ang anumang aspekto ng katotohanan sa kanila, at matibay na maniwalang anumang gawin nila ay tama, at hindi na mangangahas na suriin kung sila ay tama o mali. Ito ang mga kahihinatnang dulot pagkatapos na ang mga tao ay mailihis at makontrol ng mga anticristo, at kaagad pagkatapos, sumusunod ang mga taong iyon sa mga anticristo. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Hindi ba’t malinaw na pagpapamalas ito ng nagagawa ng mga anticristo na sa kanila lamang sumunod ang iba, hindi sa katotohanan o sa Diyos? (Ganoon nga.) Ano ang mga motibo at masamang layunin sa likod ng lahat ng ginagawa nila, at ano ang pinagmumulan ng mga pagkilos nila, mga paraan at pinagkukunan nila, at maging ng mga pahayag nila? Ito ay na gusto nilang talunin ka, supilin ka, pasukuin ka sa kanila, at ipakita sa iyo kung sino ang amo, sino ang kuwalipikadong manguna, sino ang may huling salita roon, at na hindi na ang katotohanan ang may panghuling salita—na walang sinuman kundi sila ang puwedeng maging panginoon ng mga taong ito, o magsabi ng mga dapat gawin, o gumawa ng mga desisyon. Gusto mong banggitin ang katotohanan, pero walang paraan para gawin mo ito. Gusto mong magsabi ng magkakaibang opinyon—pero huwag mo nang isipin ito. Anong disposisyon ng mga anticristo ito? Ito ay kalupitan; gusto nilang lupigin at kontrolin ang mga tao. Gaano mo man tingnan ang mga pagnanais at ambisyon ng mga anticristo, o ang mga tunay nilang pagkilos, ang lahat ng ito ay nagpapakita ng kanilang disposisyon ng kalupitan at pagiging tutol sa katotohanan. Ang mga paraan, pagbubunyag, at pagpapamalas na ito na mayroon ang mga anticristo sa paglupig at pagkontrol sa mga tao, pati na rin ang kanilang mga diwa, ay ganap na tumutugma sa pangunahing paksang pinagbabahaginan natin. Gagawin ng mga anticristo na sa kanila lamang sumunod ang iba—ang implikasyon nito ay dapat gawin ng mga tao ang sinasabi nila, na ang paggawa nito ay pagpapasakop sa Diyos. Kung may isang tao na magsasabi ng naiibang opinyon at magsasabi na ang kanilang ginagawa ay salungat sa katotohanan, sasagot sila, “Salungat sa katotohanan? Sabihin mo sa amin—ano ang katotohanan? Kung malinaw mo itong maipapaliwanag, magpaparaya ako sa iyo—pero kung hindi mo magagawa, ipapahiya kita!” Kapag sinasabi nila iyon, natatakot ang ilang tao, sinasabi na, “Hindi ko talaga ito maipapaliwanag nang malinaw, kaya gagawin ko na lang kung ano ang sasabihin mo.” Dahil dito, naisakatuparan ng mga anticristo ang layunin nila. May mga tao bang gumagawa nito? (Oo.) Nagawa ninyo na ba ang mga bagay na tulad nito? (Hindi.) May ganitong kasanayan ang mga anticristo. Sumusuko ang isang karaniwang tao kapag nakikita nilang hindi nila kayang hikayatin ang iba; hindi nila taglay ang kaparaanang iyon. Sa isang banda, hindi sila makapagsalita at makapagpahayag ng kanilang sarili sa ganoong paraan—hindi sila makapagsalita at makapagdebate nang maayos. Sa isa pa, sa kanilang puso, hindi sila sapat na malupit. Ang mga makagagawa ng mga bagay na ito ay dapat na may buktot na disposisyon sa kalooban nila. Dapat silang maging malupit at sapat na walang awa, at walang pakialam sa damdamin ng sinuman. Kung may sinumang hindi sasang-ayon sa kanila, pahihirapan nila sila sa sobrang marahas na paraan, at gaano man kalupit ang kanilang gawin, hindi makararamdam ang kanilang konsensiya ng paninisi o kamalayan tungkol dito. May magsasabing, “Nakakaawa na sila; bakit ko pinapagawa sa kanila ang sinasabi ko? Pakakawalan ko na lang sila—nananalig sila sa Diyos, hindi sa akin. Puwede na lang nilang pakinggan ang sinumang nagsasalita nang ayon sa katotohanan—hindi mahalaga kung sino ito. Pababayaan ko na lang ito sa pagkakataong ito.” Ganito ba mag-isip ang mga anticristo? Hindi; talagang walang ganoong pagkamakatwiran ang mga anticristo. Sadyang hindi sila malabo tungkol sa mga ambisyon at pagnanais nila. Kumakapit sila sa mga ito at hindi bumibitaw, tulad ng isang lobo na may kagat na tupa sa mga panga nito. Kung susubukan mong makipag-negosasyon sa isang lobo, at pipigilan ito sa pagkain ng tupa—gagana ba iyon? Hindi ito gagana. Bakit hindi? Dahil iyon ang disposisyon nito. Ano ang pinaniniwalaan ng lobo? “Gutom ako. Gusto kong kumakain ng tupa. Tama ito. Gusto ko mang kainin ang tupa o hindi, ayos lang ito.” Iyon ang pilosopiya nito, ang pamantayan at pinagmumulan ng mga pagkilos nito. Gayundin, kapag nilulupig at kinokontrol ng mga anticristo ang mga tao, iniisip ba nilang, “Hindi ako Diyos. Gaano ako ka-walang pakundangan para kontrolin ang mga tao. Kung kikilatisin ako ng mga tao, paano ko maipapakita ang mukha ko kahit saan?” May ganoon ba silang pakiramdam ng kahihiyan? (Wala.) Wala silang pakiramdam ng kahihiyan. Kaya, ano ang nawawala sa pagkatao nila? Ang kahihiyan, pagkamakatwiran, at konsensiya. Wala ang mga bagay na ito sa pagkatao nila. Kung wala ang mga bagay na iyon, tao pa ba sila? Hindi sila tao. Hindi naman lahat ng nagsusuot ng balat ng tao ay tao talaga—ang iba ay mga demonyo, ang iba ay mga naglalakad na bangkay, at ang iba ay mga hayop. Anong uri ng mga bagay ang mga anticristo, kung ganoon? Mga demonyo sila; ang ilan sa kanila ay masasamang demonyo, at ang iba ay masasamang espiritu. Sa kabuuan, hindi sila tao. Ito ay dahil hindi sila nagtataglay ng katwiran, konsensiya, at kahihiyan ng normal na pagkatao kaya ang mga anticristo ay nagagawang makipaglaban sa Diyos para sa mga tao at puso ng mga tao. Ipinapakita nito ang kanilang kalikasang diwa na maging buktot. Hindi makatwiran para sa kanila na makipaglaban sa iba para sa katayuan, lalo na ang makipaglaban sa Diyos para sa katayuan at para sa mga tao! Lalong ipinapakita nito na sila ay mga tunay na anticristo, na sila ay mga diyablo at mga Satanas.

Nagbahaginan tayo ngayon tungkol sa mga pagpapamalas ng mga anticristo hanggang sa ikawalong aytem. Makagagawa na ba kayo ngayon ng mga ugnayan sa pagitan ng inyong sarili at ng mga anticristo, gayundin ng mga taong tumatahak sa landas ng mga anticristo at ang mga nagtataglay ng kanilang disposisyon, para makita kung anong uri ka ng tao? (Oo.) Magagawa ninyo ang ilan sa ugnayang ito. Alin sa mga problema ng mga tao ang malulutas sa paggawa nito? (Maiiiwas tayo nito sa pagtahak sa maling landas.) Maiiiwas kayo nito sa pagtahak sa maling landas. Ano pa? (Binibigyang-kakayahan tayo nitopara makilatis ang mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid natin.) Binibigyang-kakayahan kayo nito para makilatis ang ilang tao sa paligid ninyo. Ang pagiging mapagkilatis sa iba ay bahagi nito; higit sa lahat, gayumpaman, dapat malaman ninyo kung paano magiging mapagkilatis sa inyong sarili, sa disposisyon ng anticristo sa kalooban ninyo at ang landas na inyong tinatahak. Tutulungan kayo nitong hindi maligaw sa paggawa ng inyong tungkulin, at hindi tumahak sa landas ng mga anticristo. Kapag sinimulang tahakin ng isang tao ang landas ng mga anticristo, madali ba para sa kanila na bumalik? Hindi; kapag nagsimula na sila, hindi na madali para sa kanilang bumalik. Alam mo ba ang dahilan nito? (Hindi gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu.) Iyon ang pangunahing dahilan. Ang pagtahak sa maling landas ay mapanganib, dahil pinili mong makipaglaban sa Diyos, makipaglaban sa Kanya para sa Kanyang mga taong hinirang, at makipaglaban sa Kanya hanggang sa wakas; hindi mo hinahanap ang katotohanan, o hinahangad na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos. Tahakin mo ang isang landas na tulad niyon, at magkakaroon ka ng problema. Magiging salungat ka sa Diyos—magiging salungat ka sa Kanya sa pamamagitan ng iyong subhetibong kalooban; ibig sabihin, ang iyong mga kaisipan, pananaw, opinyon, at pagpipilian ay magiging mapanlaban lahat sa Diyos. Kung, bago ka tumahak sa landas na ito, mayroon kang ilang obhetibong pagpapamalas, disposisyon, at diwa na salungat at mapanlaban sa Diyos, pero sa lahat ng oras, maingat ka sa puso mo tungkol sa hindi pagtahak sa landas ng pagiging mapanlaban sa Diyos, o sa landas ng mga anticristo, may pagkakataon kang maligtas. Kung tatahakin mo ang landas ng mga anticristo, ng pagiging mapanlaban sa Diyos, nasa panganib ka. Gaano kalaki ang panganib? Sapat na malaki na hindi magiging madali para sa iyo na bumalik. May ilang tao ngayon lang na nagsabi na hindi na gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu—halatang-halata iyon! Paano gagawa ang Banal na Espiritu sa ganoong tao? Kapag tumahak ka na sa ganoong uri ng landas, kapag napili mo na ang desisyong iyon, nasa panganib ka. Kung nauunawaan mo ito sa iyong puso, pero ginagawa mo pa rin ito, tahakin mo ang daang iyon, at gawin ang desisyong iyon, at magpatuloy palagi ayon sa iyong mga sariling prinsipyo at sa iyong mga dating, naunang paraan ng pagkilos, nang hindi lumilingon o nagsisisi, nang hindi binabaligtad ang iyong landas, na kumakatawan sa iyong desisyon—napagdesisyunan mo nang tahakin ang landas na ito ng pagiging mapanlaban sa Diyos. Hindi sa hindi mo nauunawaan ang ginagawa mo—sinasadya mong gumawa ng kasalanan. Katulad lang ni Pablo, na nagsabi, “Sino ka, panginoon? Bakit gusto mo akong pabagsakin?” Alam na alam niya na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na Siya ang Cristo, pero sinalungat pa rin niya Siya hanggang sa wakas. Iyon ay sadyang paggawa ng kasalanan. Hindi nagpatotoo si Pablo para sa Panginoon, ni hindi niya Siya dinakila. Inisip niyang, “Hindi ba’t karaniwang tao ka lang? Hindi ba’t pinababagsak mo ako dahil lang may kapangyarihan ka? Puwedeng may kapangyarihan ka, pero nananalig pa rin ako sa diyos sa langit. Ikaw, ang pagkakatawang-tao, ay hindi diyos; wala kang kaugnayan sa diyos. Ikaw ay anak ng diyos, at ikaw ay aming kapantay.” Hindi ba’t iyon ang pananaw niya? Ano ang pundasyon ng pananaw na ito ni Pablo? Pagkatapos niyang malaman na ang Panginoong Jesus ay si Cristo na nagkatawang-tao, itinaguyod pa rin niya ang pananaw na ito, tulad ng ginawa niya noon. Seryosong problema ito, at kasama nito, napagpasyahan na ang kanyang kalalabasan. Dahil pinanghawakan niya ang pananaw na iyon nang buong panahon, puwede kayang nabago ang landas na tinahak niya? Ang landas na tinatahak ng isang tao ay batay sa kanyang mga pananaw: Anuman ang iyong mga pananaw, iyon ang landas na iyong tinatahak. At kabaligtaran, kung anong landas ang iyong tinatahak, iyon ang mga pananaw na lilitaw sa iyo, mga pananaw na magkakaroon ka, mga pananaw na magpapabago at magtuturo sa iyo. Sa sandaling tahakin mo ang landas ng pagiging mapanlaban sa Diyos, ang mga pananaw na ito ay mabubuo at mag-uugat sa kalooban mo, at isang bagay ang tiyak: Tiyak na magiging salungat ka sa Diyos sa huli; tiyak na panghahawakan mo ang iyong mga sariling maling pananaw, kaalaman, at saloobin, nagpapahayag ng hinanaing laban sa Diyos hanggang sa wakas. Hindi mo talaga babaguhin ang iyong landas—hindi kung sasabihin sa iyo ng sinuman na gawin ito, o kung bibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu, o kung hihikayatin ka ng mga kapatid, o kung tatanglawan ka ng Diyos. Walang magiging puwang para dito. Ito ang pinili mo. Bibigyan ka ng una, pangalawa, at pangatlong pagkakataon—kung, pagkatapos ng tatlong pagkakataong magsisi ay hindi mo ito ginawa, hindi ka na magkakaroon ng mga pagkakataon sa hinaharap. Gaano ka man gumawa at magbayad ng halaga, hindi nito maaantig ang Diyos—buo na ang isip Niya tungkol sa iyo. Ano na ang napagdesisyunan ng Diyos para sa iyo? Na pagseserbisyuhin ka, na gagamitin ka; at pagkatapos kang gamitin, ilalagay ka Niya sa isang lugar kung saan ka kakastiguhin at parurusahan, gaya ng Kanyang napagdesisyunan. Paano ito nangyayari, ang pagdedesisyon ng Diyos nang ganito? Dahil ba ito sa iyong panandaliang pag-iisip? Batay ba ito sa iyong mga panandaliang ideya? Sa saglit mong pagtapak sa maling landas? Hindi; ibinabatay ito ng Diyos sa iyong mga pananaw na nasa kaibuturan ng iyong puso, sa iyong pangmatagalang saloobin sa katotohanan, at sa landas na napagdesisyunan mong tahakin. Napagdesisyunan mo nang kumilos nang ganito, at anuman ang sabihin ng sinuman, wala itong silbi; napagdesisyunan mo nang gamitin ang teoryang ito bilang pundasyon para sa landas na tatahakin mo sa hinaharap. At dahil nakapagdesisyon ka na, hindi ba’t dapat itakda ng Diyos ang iyong kalalabasan? Ang iyong kalalabasan ay matagal nang naitakda; hindi na kailangan ng Diyos na maghintay hanggang sa wakas para gawin ito. Para sa ilang tao, palaging tinitingnan ng Diyos ang kanilang mga pagpapamalas—kapag sa wakas ay nakarating na ang mga taong ito sa dulo ng daan, ang kanilang mga kinalabasan sa huli ay itinakda batay sa kanilang iba’t ibang pagpapamalas. Ang ilang tao ay nakagawa ng mas maraming mabuting gawa kaysa sa masasama; nagkimkim sila ng mas maraming mabuti at positibong saloobin sa Diyos kaysa sa mga negatibo at masasamang gawa, at batay sa sukat ng kabuuan ng kanilang iba’t ibang pag-uugali at pagpapamalas, ang kanilang panghuling kinalabasan ay itinakda. May iba, gayumpaman, na ang mga kinalabasan ay itinakda ng Diyos pagkatapos ng isang sulyap sa landas na kanilang tinatahak. Kung ganoon, binibigyan ba ng Diyos ang mga tao ng pagkakataon bago itakda ang kanilang mga kalalabasan? Nagbibigay Siya. Ilan? Malamang na walang kongkretong numero. Depende ito sa kalikasang diwa ng isang tao, at batay rin ito sa kanyang paghahangad. Ang ilang tao ay puwedeng makakuha ng tatlong pagkakataon. Ang ilan ay hindi na matutubos, sobra silang hangal at mapagmatigas, at hindi talaga sila tumatanggap ng anumang katotohanan—itinakda na ang kanilang mga kalalabasan bago pa man sila magkaroon ng tatlong pagkakataon. Pero sa ilang tao, isinasaayos ng Diyos ang ilang kapaligiran para sa kanila batay sa kanilang mga kalagayan, at batay sa kanilang edad at mga bagay na pinagdaanan nila, puwedeng bigyan Niya sila ng limang pagkakataon. Batay ito sa kanilang kalikasan, diwa, at saloobin habang tinatanggap ang katotohanan. Itinatakda ng Diyos ang kahihinatnan at patutunguhan ng isang tao batay sa mga bagay na ito.

Nangyayari sa mga tao ang lahat ng uri ng mga bagay, at kadalasan ay hindi nila alam kung paano haharapin ang mga ito; ayos lang ba kung hindi sila nagsikap na maunawaan ang katotohanan? Madali para sa mga tao na tahakin ang maling landas kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Bakit Ko ito sinasabi? Namumuhay ang mga tao ayon sa mga tiwaling disposisyon ni Satanas, at ang mga bagay na lumalabas sa kalooban nila ay mga bagay na natural nilang ibinubunyag, at wala ni isa sa mga ito ang nakaayon sa katotohanan, o hindi taksil sa Diyos. Kaya, bakit dapat palagi silang nakikinig sa mga sermon? Ang palaging pakikinig sa mga sermon, pag-iisip sa mga ito, at pagsasapuso sa mga ito; palaging pagdarasal at paghahanap; pagharap sa Diyos nang may-takot-sa-Diyos na puso, na may pusong may kabanalan, na may pusong nananabik sa katotohanan; pagkakaroon ng mga tiyak na oras bawat araw para sa mga debosyonal, panalangin, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos; at pakikipagbahaginan sa iba, at maayos na pakikipagtulungan sa iba para gumawa ng gawain; pagkilos bawat araw alinsunod sa mga prinsipyong ito, at paghawak sa mga ito bawat araw—tinitingnan ng Diyos kung ang mga detalyadong elementong ito ng pagsasagawa ng mga tao ay nagkakamit ng mga resulta. Puwedeng magtanong ang ilan, “Hindi ba’t mga proseso lamang ang mga iyon?” Ano ang isang proseso? Hindi panlabas na mga bagay ang mga ito—puwede mo lang panghawakan ang mga bagay na ito kung may puso kang gawin ito. Kung wala ang pusong iyon, ilang araw mo mapanghahawakan ang mga iyon? Hindi mo mapanghahawakan ang mga ito. Ang ilang lider ay hindi kailanman kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos at hindi kailanman nakikibahagi sa mga debosyonal. Ano ang ibig sabihin nito? Na hindi sila mga tunay na mananampalataya. Kung hindi sila mga tunay na mananampalataya, paano sila naging mga lider? Sa ilang lugar, walang angkop para sa trabaho, kaya kailangang pagtiyagaang gamitin ng iglesia ang mga taong ito. Mali ang iniisip nila na, “Napili ako bilang lider. Magagawa ko pa rin ang gawaing ito nang hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos—hangga’t may mga paa at bibig ang mga tao, magagawa nila ang gawaing ito.” Kalokohan ito. Hindi tinitingnan ng Diyos kung kaya mong gawin ang gawain—tinitingnan Niya kung ano ang nagawa mo. Ang gawaing kaya mong gawin, kaya ring gawin ng iba. Puwede itong gawin ng sinumang may kaunting normal na katalinuhan. Huwag mong isiping dahil napili ka bilang lider, at kaya mong gawin ang gawaing iyon, na garantisado ang iyong tagumpay, na naperpekto ka na, na may pagkakataon ka nang maligtas. Hindi iyon ganoon. Hindi kailanman tinitingnan ng Diyos kung gaano karami ang ginagawa mo; tinitingnan Niya ang iyong nagawa, ang landas na iyong tinatahak. Huwag mong lokohin ang sarili mo tungkol dito. Puwedeng isipin mong, “Napakaraming tao na hindi pinili, pero pinili ako. Mukhang namumukod-tangi ako, na mas mataas ang kakayahan ko at mas mahusay kaysa sa iba.” Ano ang mahusay sa iyo? Kahit na mahusay ka, tiyak na wala kang karapatan na hindi magsagawa ng katotohanan, at kumilos nang labag sa katotohanan? Kahit na mahusay ka, tiyak na wala kang karapatang hindi makisali sa mga debosyonal o panalangin, at hindi hanapin ang katotohanan kapag kumikilos ka? Wala kang karapatan sa mga bagay na iyon. Walang katayuan o titulo ang iyong kapital. Iyon ay mga bagay na panandalian, mga bagay na panlabas. Tinitingnan ng Diyos ang iyong katapatan; tinitingnan Niya ang pagsasagawa mo ng katotohanan, ang paghahangad mo rito, at ang iyong saloobin tungkol dito; tinitingnan Niya ang iyong pagpapasakop; tinitingnan Niya ang iyong saloobin sa iyong tungkulin at sa iyong misyon. May ilang tao na puwedeng nagsusumikap sa paggawa ng kanilang tungkulin, pero hindi nila ito ginagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung sasabihin mo sa kanila na dapat silang kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, lumalaban sila, nagagalit sila at hindi nila ito tinatanggap. Ganoon lang, nabunyag na sila. Ano ang nabunyag? Na hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Anong uri ng mga tao sila, ang mga hindi tumatanggap sa katotohanan? Mga hindi mananampalataya. Ano ang bulag na pinagkakaabalahan ng mga hindi mananampalataya? Bakit sobrang puno sila ng lakas sa pagiging abala nila? May layunin sila—nakikita nila na, “May pagkakataon para sa akin na maging opisyal dito, at kung magiging opisyal ako, puwede akong kumita sa iglesia, at sambahin ng lahat. Ang ganda ng lugar na ito! Napakadaling makuha ng sustentong ito sa pagkain, at gayundin ang karangalan at kita; napakadaling makamit ng katayuang ito—sadyang napakadaling maging opisyal dito!” Hindi nila inakalang magiging “opisyal” sila sa buhay na ito. Pero kapag nawala sa kanila ang “opisina” nila, ipinapakita nila ang kanilang tunay na kulay. Hindi na sila nagsisikap para sa sambahayan ng Diyos. Magagawa pa rin ba nilang magdusa at magbayad ng halaga? Hindi. Hindi ba sila nabunyag kung ganoon? Bigay-todo ang ilang tao kapag mayroon silang katayuan, nagsisikap at nagpapawis, hindi nagrereklamo gaano man sila nagdurusa—pero sa sandaling wala na silang katayuan, nagiging negatibo sila, hanggang sa punto na pinananaigan sila ng kanilang pagiging negatibo. Hindi ba’t nabunyag sila? Ibinunyag sila ng katayuan. May anuman bang pangangailangan para isailalim sila sa mga pagsubok? Wala. Sige, tatapusin natin ang pagbabahaginan ngayon dito.

Oktubre 1, 2019

Sinundan: Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)

Sumunod: Ikawalong Aytem: Hinihimok Nila ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Ikalawang Bahagi)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito