Ikalawang Aytem: Binabatikos at Inihihiwalay Nila ang mga Hindi Sumasang-ayon
Natapos na nating pagbahaginan ang tungkol sa pagkuha sa loob ng mga tao, ang unang pagpapamalas ng pagkontrol ng mga anticristo sa mga tao, at ngayon naman ay pagbabahaginan natin ang pangalawang pagpapamalas. Ang pangalawang paraan na ginagamit ng mga anticristo upang kontrolin ang mga tao ay ang pambabatikos at paghihiwalay sa mga taong hindi sumasang-ayon. Ang unang paraan ay may kaakibat na panlilihis sa mga tao at pagkuha sa loob ng mga ito; kung magsalita ang isang taong tulad nito, sa panlabas, ay tila masyadong mahinahon at naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at hindi nagdudulot ng anumang pinsala sa iba; medyo maingat siya sa pagsasalita at hindi madaling mawari; hindi nakikita ng iba ang kanyang masasamang hangarin at ang kanyang mga mapaminsala, malupit, at palaban na pagpapamalas; at pawang mga tusong kaparaanan ang ginagamit niya. Ang pangalawang paraan, ang pambabatikos at paghihiwalay sa mga taong hindi sumasang-ayon, ay mas halata. Mula sa kahulugan ng mga salitang “batikusin at ihiwalay,” masasabi na hindi positibo ang mga ito kundi mapanghamak. Ang paraang ito ng pambabatikos at paghihiwalay ay isang bagay na malinaw na alam at nakikita ng lahat. Tulad lang ito ng mga bungangerang nagtataltalan sa kalsada, inilalantad ang mga pagkukulang ng isa’t isa, prangka at diretsahan ang kanilang mga salita, nauunawaan ng lahat ng nakaririnig sa mga ito. May pagka-agresibo ang kanilang mga salita, walang pagtitimpi at sa halip ay sadyang mapambatikos. Ang lantarang panunupil ng mga anticristo sa mga tao, pagbukod sa mga tao, pag-atake sa mga tao, at paglantad sa mga problema ng mga tao ay pawang pinupuntirya. Walang pag-aalinlangan, ginagamit nila ang mga kaparaanang tulad nito para puntiryahin ang mga naghahangad sa katotohanan at nakakakilatis sa kanila. Sa pagsira sa mga taong ito, nakakamit nila ang layon na patatagin ang sarili nilang posisyon. Ang pambabatikos at paghihiwalay sa mga tao nang ganito ay likas na mapaminsala. May kalupitan ang kanilang pananalita at paraan ng pagsasalita: paglalantad, pagkondena, paninirang-puri, at panlalapastangan. Binabaluktot pa nila ang mga katunayan, nagsasabi ng mga positibong bagay na para bang negatibo ang mga iyon at ng negatibo na para bang positibo ang mga iyon. Ang pagbabaligtad ng itim at puti at paghahalu-halo ng tama at mali nang ganito ay isinasakatuparan ang mithiin ng mga anticristo na talunin ang mga tao at sirain ang kanilang pangalan. Anong pag-iisip ang nag-uudyok sa pambabatikos at paghihiwalay na ito sa mga hindi sumasang-ayon? Kadalasan, nagmumula ito sa inggit. Sa isang masamang disposisyon, ang inggit ay may kasamang matinding pagkamuhi; at dahil sa inggit nila, binabatikos at inihihiwalay ng mga anticristo ang mga tao. Sa sitwasyong katulad nito, kung ang mga anticristo ay malalantad, masusumbong, mawawalan ng katayuan, at lubos na mababagabag ang isipan; hindi sila magpapasakop ni matutuwa roon, at magiging mas madali pa nga na magkaroon sila ng determinasyong maghiganti. Ang paghihiganti ay isang uri ng pag-iisip, at isang uri din ito ng tiwaling disposisyon. Kapag nakikita ng mga anticristo na nakasisira sa kanila ang ginawa ng isang tao, na mas may kakayahan ang iba kaysa sa kanila, o na mas maganda o mas madunong ang mga pahayag at mungkahi ng isang tao kaysa sa kanila, at sumasang-ayon ang lahat sa mga pahayag at mungkahi ng taong iyon, nadarama ng mga anticristo na nanganganib ang kanilang posisyon, umuusbong ang inggit at pagkamuhi sa kanilang puso, at umaatake at naghihiganti sila. Kapag naghihiganti, karaniwan na ang mga anticristo ang unang umaatake sa kanilang pinupuntirya. Maagap sila sa pag-atake at pagpapabagsak sa mga tao, hanggang sa magpasakop ang mga ito. Saka lamang nila madarama na nakapaglabas na sila ng galit. Ano ang iba pang mga pagpapamalas ng pambabatikos at paghihiwalay sa mga tao? (Paghamak sa iba.) Ang paghamak sa iba ay isa sa mga paraan ng pagpapamalas nito; gaano ka man kahusay sa paggawa ng iyong trabaho, hahamakin o kokondenahin ka pa rin ng mga anticristo, hanggang sa ikaw ay maging negatibo at mahina at hindi na makatayo. Pagkatapos ay matutuwa sila, at naisakatuparan na nila ang kanilang mithiin kung magkagayon. Bahagi ba ng kahulugan ng paghamak sa iba ang pagkondena? (Oo.) Paano kinokondena ng mga anticristo ang mga tao? Pinalalaki nila ang maliliit na bagay. Halimbawa, may ginawa kang isang bagay na hindi naman problema, ngunit nais nila itong palakihin para batikusin ka kaya nag-iisip sila ng lahat ng uri ng paraan para dungisan ka at kondenahin ka sa pamamagitan ng pagpapalaki sa isang maliit na bagay, nang sa gayon ay isipin ng ibang nakikinig na may katuturan ang sinasabi ng mga anticristo at na may ginawa kang mali. Dahil dito, naisakatuparan na ng mga anticristo ang kanilang mithiin. Ito ang pagkondena, pambabatikos, at paghihiwalay sa mga hindi sumasang-ayon. Ano ang ibig sabihin ng paghihiwalay? Ang ibig sabihin nito ay na sa puso nila, alam nila na tama ang ginawa mo, ngunit sila ay naiinggit at napopoot sa iyo, sadyang sinisikap na batikusin ka, kaya sinasabi nila na mali ang ginawa mo. Pagkatapos ay gagamitin nila ang sarili nilang mga pananaw at kamalian para talunin ka sa debate, nagsasalita sa kaaya-ayang paraan para madama ng lahat ng nakikinig na tama at maganda ang sinasabi nila; pagkatapos, ang lahat ng taong iyon ay sasang-ayon sa kanila, at papanig sa kanila upang labanan ka. Ginagamit ito ng mga anticristo para atakihin ka, para gawin kang negatibo at mahina. Dahil dito, nakamtan na nila ang kanilang layong batikusin at ihiwalay ang mga hindi sumasang-ayon. Ang pambabatikos sa mga hindi sumasang-ayon ay maaaring mangyari kung minsan sa harapang debate, o kung minsan ay sa paghusga sa isang tao, paglikha ng gulo, paninira sa kanya, at pag-imbento ng mga kuwento tungkol sa kanya habang nakatalikod siya. Halimbawa, kapag gusto ng isang anticristo na ihiwalay ang isang hindi sumasang-ayon, inaalam muna niya kung sino ang kasundo ng hindi sumasang-ayong ito. Pagkatapos, pinupuntahan niya ang taong iyon at sinasabi: “Alam mo ba, sinabi ni ganito na wala kang kakayahan, na mahina ang kakayahan mong makaarok at wala kang espirituwal na pang-unawa, at na ginagawa mo ang mga tungkulin mo nang walang mga prinsipyo. Nakipagtalo ako sa kanya dahil sa palagay ko ay isa ka naman talagang mabuting tao.” Pagkatapos magpakana ng ganitong di-pagkakasundo, biglang sasama ang ugnayan ng dalawang taong ito. Nananatili ang anticristo sa isang tabi, patuloy na ginagatungan ang di-pagkakasundo hanggang sa tuluyan nang masira ang ugnayang iyon. Sa ganitong paraan, nagpapakana ang anticristo ng di-pagkakasundo sa pagitan ng mga tao at ng hindi sumasang-ayon, nagdudulot sa mga tao na lumayo sa hindi sumasang-ayon upang makamit ang mithiin na maging mag-isa ito. Patuloy siyang naghahanap ng mga pagkakataon upang malamangan ang hindi sumasang-ayon, hanggang sa matalo na ito at masira na ang reputasyon nito. Ang tingin ng anticristo rito ay pagpapabagsak sa isang kalaban upang hindi na maging banta ang taong ito sa kanyang katayuan. Naniniwala ang anticristo na pinakamainam nang supilin ang isang hindi sumasang-ayon, ngunit kung hindi ito masusupil ay gagawin ng anticristo ang lahat upang maging mag-isa at ihiwalay ito. Kung hindi ito maihihiwalay, patuloy na idudulot ng anticristo na maging mag-isa ito, kalaunan ay napipilit itong sumunod at magmakaawa. Nanghahatak at gumagamit ang anticristo ng ilang puwersa upang batikusin ang mga tao na naghahangad sa katotohanan o ang mga kasalungat niya ng opinyon. Pinagwawatak-watak niya ang iglesia at hinahati-hati ito sa mga paksiyon, at sa huli ay nahahati ang iglesia sa dalawa o tatlong grupo—isang grupo na nakikinig sa kanya, isang grupo na hindi, at isang grupo na walang pinapanigan. Sa ilalim ng kanyang “pambihirang” pamamatnubay, parami nang parami ang mga taong nakikinig sa kanya, at paunti nang paunti ang hindi. Mas maraming tao ang sumasang-ayon sa kanya, at ang mga taong naiiba ang mga opinyon sa anticristo ay nagiging mag-isa at hindi nangangahas na magsalita. Paunti nang paunti ang mga taong kayang kumilatis o lumaban sa kanya, at sa ganitong paraan, unti-unting nagkakaroon ng kontrol ang anticristo sa karamihan ng mga tao sa iglesia, umaako siya ng isang posisyon ng awtoridad. Ito ang mithiin ng anticristo. Kapag pinakikitunguhan ang mga taong naiiba ang opinyon sa kanya, mahigpit na pinaparusahan ng anticristo ang mga ito. Iniisip niya: “Kahit na iba ang opinyon mo, dapat kang magpasakop sa aking pamumuno, dahil nasa akin na ngayon ang huling pasya. Mas mababa ka sa akin. Kung ikaw ay isang dragon, dapat kang yumukod; kung ikaw ay isang tigre, dapat kang dumapa; kahit ano pa ang mga kakayahan mo, hangga’t nandito ako, hindi kita hahayaang magtagumpay o manggulo!” Ito ang mithiin ng anticristo—ang mag-isang kontrolin ang iglesia at kontrolin ang mga hinirang ng Diyos.
Ano ang pangunahing layunin ng isang anticristo kapag binabatikos at inihihiwalay niya ang isang hindi sumasang-ayon? Hangad niyang gumawa ng sitwasyon sa iglesia kung saan walang tinig na kokontra sa kanya, kung saan ang kanyang kapangyarihan, ang kanyang pagka-lider, at ang lahat ng kanyang mga salita ang siya lamang masusunod. Dapat siyang pakinggan ng lahat, at kahit may pagkakaiba sila ng opinyon, hindi nila dapat ipahayag iyon, kundi hayaan iyong mabulok sa kanilang puso. Lahat ng nangangahas na hayagang sumalungat sa kanya ay nagiging kaaway ng anticristong iyon, at iisip siya ng anumang paraan para mapahirap niya ang mga bagay-bagay para sa kanila, at hindi siya makapaghintay na mapaalis sila. Ito ang isa sa mga paraan ng pagbatikos at paghihiwalay ng mga anticristo sa isang hindi sumasang-ayon para mapatatag ang kanilang katayuan at maprotektahan ang kanilang kapangyarihan. Iniisip nila, “Mabuti para sa iyo na magkaroon ng ibang mga opinyon, subalit hindi ka maaaring mag-ikut-ikot na nagsasalita tungkol sa mga ito gaya ng gusto mo, at lalong huwag mong ikompromiso ang aking kapangyarihan at katayuan. Kung mayroon kang bagay na sasabihin, maaari mo itong sabihin sa akin nang sarilinan. Kung sasabihin mo ito sa harapan ng lahat at mapahiya ako, nagmimitsa ka ng gulo, at kakailanganin kong harapin ka!” Anong uri ng disposisyon ito? Hindi pinahihintulutan ng mga anticristo ang iba na malayang makapagsalita. Kung mayroon silang opinyon—tungkol man ito sa anticristo o sa anumang bagay—hindi nila ito puwedeng basta-basta na lang na sabihin; kailangan nilang isaalang-alang ang reputasyon ng anticristo. Kung hindi, ituturing silang kaaway ng anticristo, at babatikusin at ihihiwalay sila. Anong uri ng kalikasan ito? Ito ang kalikasan ng isang anticristo. At bakit nila ginagawa ito? Hindi nila hinahayaan ang iglesia na magkaroon ng anumang mga alternatibong opinyon, hindi nila pinapayagan ang sinumang hindi sumasang-ayon sa kanila sa loob ng iglesia, hindi nila hinahayaan ang mga taong hinirang ng Diyos na hayagang ibahagi ang katotohanan at kilatisin ang mga tao. Ang labis nilang kinatatakutan ay ang malantad at makilatis ng mga tao; palagi nilang sinisikap na patatagin ang kanilang kapangyarihan at ang katayuan nila sa puso ng mga tao, na sa pakiramdam nila ay hindi dapat mayanig. Hinding-hindi nila maaaring palampasin ang anumang nagbabanta o nakakaapekto sa kanilang pagpapahalaga sa sarili, reputasyon, o katayuan at halaga bilang isang lider. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng mapaminsalang kalikasan ng mga anticristo? Dahil hindi sila kuntento sa kapangyarihang taglay na nila, pinalalakas at pinatitibay nila ito at hinahangad nila ang walang hanggang pananakop. Hindi lamang nila gustong kontrolin ang pag-uugali ng iba, kundi maging ang puso ng mga ito. Ang mga pamamaraang ito na ginagamit ng mga anticristo ay lubos na para maprotektahan ang kanilang kapangyarihan at katayuan, at ganap na resulta ng kanilang pagnanasang kumapit sa kapangyarihan. Kung ang mga anticristo ay kumikilos nang matapat at tuwiran at naaayon sa katotohanan, bakit naman sila matatakot na magsalita at magmungkahi ang iba, at na ilantad siya ng mga ito? Ito ay dahil may masasamang motibo siya at inuusig ang konsensiya niya. Alam ng mga anticristo na marami na silang nagawang kasamaan, at sa sandaling sila ay mailantad, bukod sa magiging mahirap na panatilihin ang kanilang katayuan, manganganib din silang mapaalis o matiwalag. Samakatuwid, ginagawa nila ang lahat upang paghigpitan at limitahan ang iba, upang hadlangan ang mga ito na magbahagi tungkol sa katotohanan at gumamit ng pagkilatis. Partikular na ang mga tao na may matinding pagpapahalaga sa katarungan o na naglalakas-loob na maglantad ng masasamang tao ay tinik sa tagiliran ng anticristo, palaging nagdudulot sa kanya ng pagkainis. Iniisip ng mga anticristo na kung ang mga taong may pagpapahalaga sa katarungan ay mapupuwersa hanggang sa magpasakop ang mga ito at masisira ang reputasyon ng mga ito, wala nang maglalakas-loob na maglantad sa kanila at mawawala na ang mga tinig na hindi sumasang-ayon, na magbibigay sa anticristo ng pakiramdam ng kapanatagan. Isa itong regular na taktika ng anticristo. Talagang hindi niya luluwagan ang kapit niya sa kapangyarihan at kailanman ay hindi niya babawasan ang mga pagsisikap niya na palakasin ito—ang bawat pangungusap na kanyang sinasabi at ang lahat ng bagay na kanyang ginagawa ay para sa pagpoprotekta sa kanyang kapangyarihan at katayuan. Lalong totoo ito kapag nariyan ang isang hindi sumasang-ayon, at natuklasan ng anticristo na ang hindi sumasang-ayon ay nagsalita tungkol sa kanya o pinintasan siya nito nang patalikod. Sa ganitong pagkakataon, lulutasin niya ang bagay na ito nang madalian, kahit mangahulugan pa ito ng kawalan niya ng isang gabing tulog at isang araw na pagkain. Paano niya nagagawa ang gayong pagsisikap? Iyon ay dahil pakiramdam niya ay nasa panganib ang kanyang katayuan, na nahamon ito. Pakiramdam niya, kung hindi siya kikilos nang gayon, manganganib ang kanyang kapangyarihan at katayuan—na kapag nalantad na ang kanyang masasamang gawa at nakakaiskandalong pag-uugali, hindi lamang siya hindi makakakapit sa kanyang katayuan at kapangyarihan, kundi maaalis o maititiwalag pa siya sa iglesia. Kaya nga lubha siyang hindi mapakali sa pag-iisip ng mga paraan para supilin ang usapin at iwaksi ang lahat ng nakatagong panganib sa kanya. Ito lamang ang paraan na makakakapit siya sa kanyang katayuan. Kung ang mga anticristo ang tatanungin, katayuan ang hininga ng buhay. Sa sandaling marinig nila na ilalantad o iuulat sila ng isang tao, takot na takot sila kaya natataranta sila, sa takot na baka kinabukasan, mawawala ang kanilang katayuan at hindi na muling matatamasa ang pakiramdam ng pagkakaroon ng pribilehiyong naidulot sa kanila ng katayuan, ni ng mga pakinabang ng katayuan. Natatakot sila na baka wala nang sinumang sumang-ayon o sumunod sa kanila, na wala nang magpapalakas sa kanila o gagawa ng kanilang inuutos. Ngunit ang pinakahindi nila natitiis ay hindi lamang na mawawala sa kanila ang kanilang katayuan at kapangyarihan, kundi baka mapaalis o matiwalag pa sila. Kung mangyari iyon, lahat ng kalamangan at pakiramdam ng pagkakaroon ng pribilehiyo na naibigay sa kanila ng katayuan at kapangyarihan, gayundin ang pag-asa para sa lahat ng pagpapala at gantimpala na nakakamit sa pananalig sa Diyos ay mawawala sa isang iglap. Ang posibilidad na ito ang pinakamahirap na tiisin para sa kanila. Sa sandaling mawala sa kanila ang mga pakinabang at ang pakiramdam ng pribilehiyo na ibinibigay sa kanila ng kanilang kapangyarihan at katayuan, matatapos na ang maliligayang araw nila. Isa pa, dahil marami na silang nagawang kasamaan, malalagay sila sa kapahamakan, maghihintay sa kaparusahan ng Diyos.
Ano ang isang hindi sumasang-ayon? Sino ang mga taong itinuturing ng anticristo na mga hindi sumasang-ayon? Sa pinakasimple, sila yaong hindi sineseryoso ang anticristo bilang isang lider, ibig sabihin, hindi nila tinitingala o sinasamba ang anticristo at sa halip ay itinuturing nila ito bilang ordinaryong tao. Isang uri iyon. Nariyan pa yaong mga nagmamahal sa katotohanan, naghahangad ng katotohanan, naghahangad ng pagbabago sa kanilang disposisyon, at naghahangad na mahalin ang Diyos; iba ang landas na tinatahak nila kaysa sa isang anticristo, at sila ay mga hindi sumasang-ayon sa mga mata ng anticristo. May iba pa ba? (Ang mga laging nagmumungkahi sa mga anticristo, at nangangahas na ilantad ang mga ito.) Ang sinumang nangangahas na magmungkahi sa anticristo at ilantad ang mga ito, o yaong ang mga pananaw ay naiiba rito, ay itinuturing nitong mga hindi sumasang-ayon. At may isa pang uri: yaong mga kapantay ng anticristo sa kakayahan at abilidad, na ang kakayahan sa pananalita at pagkilos ay katulad ng sa anticristo, o itinuturing ng anticristong nakatataas sa kanya at nakakakilatis sa kanya. Sa isang anticristo, hindi ito katanggap-tanggap, isang banta sa kanyang katayuan. Ang gayong mga tao ang pinakahindi sumasang-ayon para sa anticristo. Hindi nangangahas ang anticristo na kaligtaan o luwagan ang gayong mga tao kahit kaunti. Itinuturing niya ang mga ito na mga tinik sa kanyang tagiliran, palaging nagdudulot sa kanya ng pagkainis, at mapagbantay at maingat siya sa mga ito sa lahat ng pagkakataon at iniiwasan niya ang mga ito sa lahat ng ginagawa niya. Lalo na kapag nakikita ng anticristo na kikilatisin at ilalantad siya ng isang hindi sumasang-ayon, natataranta siya nang husto; desperado siyang palayasin at atakihin ang hindi sumasang-ayon na iyon, kaya hindi siya masisiyahan hangga’t hindi niya napapaalis sa iglesia ang hindi sumasang-ayon na iyon. Sa ganoong mentalidad at pusong puno ng mga bagay na ito, anong uri ng mga bagay ang kaya niyang gawin? Ituturing ba niya ang mga kapatid na ito bilang mga kaaway, at mag-iisip ba siya ng mga paraan upang pabagsakin at upang mawala ang mga ito? Tiyak na gagawin niya ito. Pipigain niya ang kanyang utak sa kakaisip ng mga paraan upang mapasunod ang mga hindi sumasang-ayon at gagawin niya ang lahat upang matalo ang mga ito, hindi ba? Ang pagpapasunod sa mga hindi sumasang-ayon ay nangangahulugan na pinipilit ng anticristo na makinig sa kanya ang lahat ng tao, upang walang mangangahas na magsalita pa o magkaroon ng ibang mga opinyon, o ilantad pa nga siya. Ang pagtalo sa isang hindi sumasang-ayon ay nangangahulugan na ito ay pinaparatangan ng mali at kinokondena ng anticristo, lumilikha ng ilang maling impresyon upang magmukhang hangal at mapungusan ang hindi sumasang-ayon, at dahil dito ay bumagsak nang husto ang reputasyon nito. Hindi ba’t ang paggawa ng ganitong bagay ang pinakamataas na uri ng masamang gawa? Hindi ba’t nilalabag nito ang disposisyon ng Diyos? Maraming diskarte at paraan ang anticristo para batikusin at ihiwalay ang mga hindi sumasang-ayon. Maliban sa lantarang komprontasyon at pagtatakwil, ang pinakakahanga-hangang diskarte niya ay may kaakibat na panghahatak at pangangalap ng mga hindi sumasang-ayon, hinihikayat ang lahat ng ito na makinig sa kanya. Kung hindi makikinig ang mga hindi sumasang-ayon, susupilin, pipigilin, ng anticristo ang mga ito at sisirain ang kanilang reputasyon katulad ng paraan ng pakikitungo ng mga walang pananampalataya sa mga kalaban nito sa politika. Ganito ang mga buktot at malupit na mga anticristo. Ngunit minsan, ang mga anticristo ay gagamit ng malumanay na paraan upang mahatak ang mga tao. Halimbawa, kung may isang hindi sumasang-ayon na ang opinyon ay iba sa kanila, titingnan nila kung ano ang hilig ng taong iyon at kung ano ang mga kahinaan nito, gagamit sila ng lahat ng uri ng kasuklam-suklam na paraan upang mapasunod ang taong iyon. O kaya ay magpapanggap silang nagpapasakop at umaamin sa mga pagkakamali nila sa harap ng hindi sumasang-ayon, o gagawin nila ang lahat upang magdulot ng mga pakinabang sa hindi sumasang-ayon at bigyang-kasiyahan ito, o marahil ay hihikayatin ang malalapit nilang kaibigan na himukin ang hindi sumasang-ayon; at pagkatapos, magkukunwari silang nagbabahagi tungkol sa katotohanan sa hindi sumasang-ayon na iyon, sasabihin: “Perpekto talaga ang pagtatambal natin para sa gawain ng iglesia; maaari nating paghatian nang patas ang iglesiang ito sa hinaharap. Kahit na ako ang lider, pakikinggan ko ang anumang mungkahi mo. Sa katunayan, ako ang makikipagtulungan sa iyo.” Kung ang hindi sumasang-ayon ay isang taong hindi nakauunawa sa katotohanan, magiging madali para sa anticristo na makuha ang loob niya. Mapapansin agad ito ng mga nakauunawa sa katotohanan at sasabihin, “Ang taong ito ay mapagpakana, tiyak iyon; hindi siya lantarang bumabatikos, kundi nanlalansi—sa halip na matitinding taktika, malumanay ang diskarte niya.” Para sa isang anticristo, ang hindi sumasang-ayon ay isang banta sa kanyang katayuan at kapangyarihan. Sa magbabanta sa kanilang katayuan at kapangyarihan, maging sinuman ito, gagawin ng mga anticristo ang lahat para “maasikaso” siya. Kung talagang hindi mapapasunod o makukuha ang loob ng mga taong ito, pababagsakin o paaalisin siya ng mga anticristo. Sa huli, makakamit ng mga anticristo ang kanilang mithiin na magkaroon ng lubos na kapangyarihan, at maging ang mismong batas. Ito ang isa sa mga diskarte na madalas gamitin ng mga anticristo para mapanatili ang kanilang katayuan at kapangyarihan—binabatikos at inihihiwalay nila ang mga hindi sumasang-ayon.
Ano ang mga pinagmumulan ng mga paraan, pagpapamalas, motibo sa pagkilos, at pinanggagalingan ng kilos ng mga anticristo sa pambabatikos at paghihiwalay sa mga hindi sumasang-ayon? (Si Satanas.) Upang maging partikular, nagmumula ang mga iyon sa mga ambisyon at pagnanais ng tao, at sa kalikasan ni Satanas. Kung gayon, ano ang mithiin ng anticristo? Ang mithiin niya ay ang mang-agaw ng kapangyarihan, kontrolin ang mga puso ng mga tao, at tamasahin ang mga pakinabang ng kanyang katayuan. Ito ang katangian ng isang tunay na anticristo. Mula sa perspektiba ng dalawang aytem ng pagkuha sa loob ng mga tao at pambabatikos at paghihiwalay sa mga hindi sumasang-ayon, paano binibigyang-kahulugan ng anticristo ang salitang “lider” at ang papel na ginagampanan ng isang lider? Naniniwala siya na ang isang lider ay isang taong nagtataglay ng kapangyarihan at katayuan, na may kapangyarihan itong mag-utos, manghatak, manglihis, manakot at magkontrol ng mga tao na pinamumunuan nito. Ganito ang pagkaarok niya sa salitang “lider.” Kaya, kapag siya ay nasa posisyon ng pamumuno, ipinatutupad niya ang mga taktikang ito sa kanyang gawain, at ganito niya ginagawa ang kanyang mga tungkulin. Kung gayon, ano ba talaga ang ginagawa niya kapag ginagawa niya ang kanyang mga tungkulin? Masasabi nang may katiyakan na gumagawa siya ng masasamang bagay, at para maging tumpak, nagtatatag siya ng sarili niyang nagsasariling kaharian, nakikipagkompetensiya sa Diyos para sa mga hinirang na tao, sa puso ng mga tao, at sa katayuan. Gusto niyang mapalitan ang puwang ng Diyos sa puso ng mga tao, hikayatin ang mga taong sambahin siya. Hindi ba’t madalas kayong nagkikimkim ng gayong mga layunin at motibasyon at nagpapakita ng gayong mga pag-uugali at gawi? Hindi ba’t madalas ninyong ipinakikita ang mga satanikong disposisyong ito? (Oo nga.) Nagiging gaano ba kalubha ang pagpapakita ng mga satanikong disposisyong ito? Umabot na ba ito sa punto na hindi na ninyo makontrol ang inyong sarili? Kapag nangyayari ito, nagkakaroon ba kayo ng kaunting kamalayan, pagpipigil at disiplina? (Oo.) Sabihin ninyo sa Akin, may tao bang talagang hindi nagnanais ng kapangyarihan? May tao bang ayaw ng kapangyarihan? May tao bang hindi nagnanasa sa mga pakinabang ng katayuan? Wala, walang ganoon. Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil ang lahat ng tao ay nagawa nang tiwali ni Satanas; lahat sila ay may satanikong kalikasan. Ang isang pagkakapareho ng lahat ng tao ay gusto nila ng kapangyarihan, katayuan, at pagtatamasa ng mga pakinabang na idinudulot ng mga ito sa kanila. Isa itong katangian na taglay ng lahat ng tao. Kung gayon, bakit ang ilang tao ay itinuturing na mga anticristo, habang ang iba ay nagpapakita lang ng disposisyon ng isang anticristo o tumatahak sa landas ng isang anticristo? Ano ang mga pagkakaiba ng dalawang grupong ito? Una, tatalakayin Ko ang tungkol sa pagkakaiba sa kanilang pagkatao. May pagkatao ba ang mga anticristo? Ano ang mga pagkakaiba ng pagkatao ng mga taong tumatahak sa landas ng mga anticristo sa mismong mga anticristo? (Ang mga anticristo ay walang konsensiya at katwiran, wala silang pagkatao, samantalang ang mga taong tumatahak sa landas ng mga anticristo ay may kaunti pa ring konsensiya at katwiran. Kaya pa rin nilang tanggapin ang katotohanan at tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at magpakita ng tunay na pagsisisi.) Ang pagpapakita ng pagsisisi ay isang punto ng pagkakaiba. Marunong bang magsisi ang mga anticristo? (Hindi, hindi sila marunong.) Kahit kaunti ay hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan; kahit na malagay sila sa masamang sitwasyon, hindi sila magsisisi. Kailanman ay hindi nila makikilala ang kanilang sarili. Pagdating sa pagkatao, ang mga taong tumatahak sa landas ng mga anticristo ay may isa pang pagkakaiba sa mga anticristo, ito ang pagkakaiba ng isang karaniwang mabuting tao sa isang masamang tao. Ang mabubuting tao ay nagsasabi at gumagawa ng mga bagay nang may konsensiya at katwiran, habang ang masasamang tao ay walang konsensiya at katwiran. Kapag ang masasamang tao ay gumagawa ng masama at nalalantad, hindi sila masunurin: “Sus, kahit naman malaman ng lahat, may magagawa ba sila rito? Gagawin ko ang gusto ko! Wala akong pakialam kung sino ang maglalantad o pupuna sa akin. Ano ba talaga ang magagawa sa akin ng kahit sino?” Kahit gaano pa karaming masamang bagay ang gawin ng isang masamang tao, hindi siya nakararamdam ng hiya. Kapag ang isang karaniwang tao ay may ginagawang masama, ninanais niya itong itago at pagtakpan. Kung sa huli ay may maglalantad sa kanya, labis siyang nahihiyang humarap sa kahit kanino at ayaw na nga niyang mabuhay: “Hay, paano ko ba nagawa ang ganitong bagay? Talagang wala akong kahihiyan!” Labis siyang nagsisisi at isinusumpa pa nga niya ang sarili niya, nangangako na hinding-hindi na niya uulitin ang ganitong bagay. Ang ganitong pag-uugali ay patunay na may kahihiyan siya, na may kaunting pagkatao pa rin siya. Ang isang tao na walang kahihiyan ay walang konsensiya at katwiran, at ang lahat ng masamang tao ay walang kahihiyan. Kahit anong uri pa ng masamang gawa ang ginagawa ng isang masamang tao, hindi ito mahihiya o kakabahan, at imoral pa rin niyang ipagtatanggol ang mga kilos niya, binabaluktot ang mga negatibong aspekto upang maging positibo ang mga ito, at magsasalita tungkol sa masasamang gawa na para bang mabuti ang mga iyon. May kahihiyan ba ang ganitong uri ng tao? (Wala.) Kung mayroon siyang ganitong uri ng saloobin, tunay ba siyang magsisisi sa hinaharap? Hindi, ipagpapatuloy lang niya ang pagkilos gaya ng dati. Ibig sabihin nito ay wala siyang kahihiyan, at ang ibig sabihin ng kawalan ng kahihiyan ay kawalan ng konsensiya at katwiran. Ang mga taong may konsensiya at katwiran ay masyadong mahihiyang humarap sa kahit kanino pagkatapos silang malantad sa paggawa ng masamang bagay, at hinding-hindi na nila inuulit ang bagay na ito. Bakit ganito? Ito ay dahil pakiramdam nila ay kahiya-hiyang gawin ito at punong-puno sila ng kahihiyan na humarap sa kahit kanino; may pakiramdam ng kahihiyan sa kanilang pagkatao. Hindi ba’t ito ang pinakamababang pamantayan para sa normal na pagkatao? (Ito nga.) Matatawag pa bang tao ang isang taong ni hindi nakararamdam ng kahihiyan? Hindi. Ang isa bang taong hindi nakararamdam ng kahihiyan ay may normal na pag-iisip? (Wala.) Wala siyang normal na pag-iisip, lalong wala siyang pagmamahal sa mga positibong bagay. Para sa kanya, ang pagkakaroon ng konsensiya at katwiran ay masyadong mataas na pamantayan, isang pamantayang hindi niya maabot. Ngayon, ano ang pinakapangunahing pagkakaiba ng mga anticristo sa mga taong tumatahak sa landas ng mga anticristo? Kapag inilantad ng ibang tao ang isang taong nagtataglay ng diwa ng anticristo dahil nakikipag-agawan siya sa Diyos para sa katayuan, hindi niya iniisip na may mali siyang nagawa. Kalaunan, bukod sa hindi nila matututunan ang mga aral at hindi nila hahanapin ang Diyos, sa halip, sa sandaling magkaroon sila ng pagkakataong maihalal bilang lider o manggagawa, patuloy silang makikipag-agawan sa Diyos para sa katayuan, nagpapatuloy sa dati nilang gawain, mas nanaisin pa nilang mamatay kaysa magsisi. Nagtataglay ba ng anumang katwiran ang mga taong ito? (Wala silang katwiran.) At nakadarama ba ng anumang kahihiyan ang mga taong walang katwiran? (Hindi.) Ang gayong mga tao ay walang katwiran at walang nadaramang kahihiyan. Kapag naririnig ng mga taong nagtataglay ng normal na pagkatao, konsensiya at katwiran na sinasabi ng iba na nakikipag-agawan sila sa Diyos para sa katayuan, iisipin nila, “Naku, seryosong usapin ito! Tagasunod ako ng Diyos! Paano ko nagagawang makipag-agawan sa Kanya para sa katayuan? Kahiya-hiya namang makipag-agawan sa Diyos para sa katayuan! Napakamanhid, napakahangal ko naman, at sobrang wala ako sa katwiran para gawin ito! Paano ko nagawa ang gayong bagay?” Makararamdam sila ng kahihiyan dahil sa nagawa nila, at kapag nahaharap sa katulad na sitwasyon, mapipigilan ng kanilang nadaramang kahihiyan ang kanilang pag-uugali. Ang kalikasang diwa ni Satanas ang kalikasang diwa ng lahat ng tao, ngunit iyong mga nagtataglay ng normal na pagkatao ay may kahihiyan, at mapipigilan ang kanilang pag-uugali. Habang unti-unting lumalalim ang pagkaunawa ng isang tao sa katotohanan, at habang lumalalim ang kanyang kaalaman at pagkaunawa sa Diyos at pagpapasakop sa katotohanan, ang pakiramdam na ito ng kahihiyan ay hindi na ang magiging pinakamababang pamantayan. Lalo silang mapipigilan ng katotohanan, at ng kanilang may-takot-sa-Diyos na puso. Patuloy nilang pagbubutihin ang kanilang sarili, at kikilos nang higit na naaayon sa katotohanan. Gayunman, hahangarin ba ng mga anticristo ang katotohanan? Tiyak na hindi. Hindi sila nagtataglay ng normal na katwirang pantao, hindi nila alam ang ibig sabihin ng paghahangad sa katotohanan, at tutol sila sa katotohanan at wala ni katiting na pagmamahal para dito, kaya paano nila mahahangad ang katotohanan? Ang paghahangad sa katotohanan ay isang normal na pangangailangan ng tao; tanging ang mga nagugutom at nauuhaw sa pagiging matuwid ang magmamahal sa katotohanan at maghahangad nito. Ang mga taong walang taglay na normal na pagkatao ay hindi kailanman hahangarin ang katotohanan.
Ang mga taong tumatahak sa landas ng isang anticristo ay iba sa mga tunay na anticristo. May ilang taong nakakakita na puno sila ng mga disposisyon ng isang anticristo, at hinahangad at labis nilang pinahahalagahan ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at kailanman ay hindi nila ito nagagawang bitiwan. Matibay nilang pinaniniwalaan na taglay nila ang kalikasan ng isang anticristo at hindi na sila maliligtas. Kung hindi mo tunay na nakikilala ang iyong sarili at hindi mo alam kung isa kang anticristo o isang masamang tao, dapat mong pagnilayan kung mayroon kang anumang kamalayan o pakiramdam ng kahihiyan. Kung wala, nanganganib ka, at masasabi na taglay mo ang kalikasang diwa ng isang masamang tao o anticristo. Kahit na hindi ka isang anticristo ngayon, maaari kang maging isang anticristo sa hinaharap. Ang bagay na pinakaayaw gawin ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay ang pagnilayan at kilalanin ang kanilang sarili. Sinasabi nila: “Wala akong pakialam kung sino ang nagsasabing isa akong anticristo. Sino ba ang ayaw ng kasikatan, pakinabang, at katayuan? Ang sinumang nagsasabi na ayaw niya ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ay nagsisinungaling. Sino ang may katayuan na hindi nagtatamasa ng mga pakinabang nito? Hangal lang ang ganoon. Ang makapagtamasa sa mga pakinabang ng katayuan, pagkakaroon ng kakayahan ang tawag doon!” Anong uri ng tao ang nagsasabi ng ganitong mga bagay? Hindi ba’t isa itong taong tutol sa katotohanan? Ang ganitong uri ng tao ay labis ang katigasan ng ulo—maliligtas ba siya? Talagang hindi siya maliligtas, dahil hindi inililigtas ng Diyos ang masasamang tao; ang mga ganitong tao ay kauri ni Satanas, mga halimaw sila. May ilang taong hindi alam kung maaari silang maging puntirya ng pagliligtas ng Diyos. Sa ganitong kaso, kapag inilantad ng mga salita ng Diyos ang iyong kalikasang diwa at ang iyong tiwaling disposisyon, obserbahan mo kung mararamdaman mo ito at kung mahihiya ka sa loob-loob mo o hindi, at kung iisipin mo na ang inilalantad ng Diyos ay ang tunay mong katauhan, na magdudulot sa iyong makaramdam ng kahihiyan at maramdaman mo na para bang wala kang mapagtataguan. Kung mayroon ka ng ganitong pakiramdam ng kahihiyan, ng ganitong kamalayan, mabuti ito. May ilang tao pa nga na nagsasabi: “Lubusan na akong inilantad ng mga salita ng Diyos. Hiyang-hiya akong humarap sa kahit kanino at wala akong mapagtataguan. Palagay ko ay dapat akong maipadala sa impiyerno, hindi ako karapat-dapat sa pagliligtas ng Diyos. Sa tindi ng pagiging negatibo ko ay ni hindi ko na iniisip na karapat-dapat akong mabuhay. Dapat ay mamatay na lang ako at nang matapos na ito.” Mabuti ba o masama na maramdaman ang ganito? Mabuti ito. Hindi ito naiintindihan ng ilang tao, at sinasabi nila: “Paano ito naging mabuti?” (Ipinakikita nito na ang taong ito ay may pakiramdam ng kahihiyan.) Hindi ito natutukoy sa pamamagitan ng kahihiyan. Una sa lahat, ang pagkakaroon ng ganitong uri ng pakiramdam ay nangangahulugan na kahit papaano ay nauunawaan mo ang mga salita ng Diyos. Pangalawa, ano ang pundasyon ng pagkakilala mo sa iyong sarili? (Ang pagtanggap sa mga salita ng Diyos.) Tama iyan. Inaamin mo na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, na nangangahulugan na ginagamit mo ang mga salita ng Diyos bilang ang pamantayan upang suriin kung maaari kang maligtas at kung anong uri ka ng tao—nagawa mo nang pamantayan ang Kanyang mga salita para sa pagsusuri sa sarili. Pinatutunayan nito na may tunay kang pananampalataya sa mga iyon. Kapag may tunay kang pananampalataya sa Diyos ay saka mo lang maituturing ang Kanyang mga salita bilang ang katotohanan, bilang ang pamantayan sa pagsusuri sa sarili. Ang isang taong gumagawa nito ay may pagkakataong maligtas—hindi ito kasing simple ng pagkakaroon ng isang tao ng pakiramdam ng kahihiyan o hindi.
Tungkol naman sa pagpapamalas na ito—ang pambabatikos at paghihiwalay ng mga anticristo sa mga hindi sumasang-ayon—natalakay na natin ang kahulugan ng salitang “hindi sumasang-ayon.” Kung gayon, aling mga tao ang napapailalim sa saklaw ng terminong ito? Pangunahin ay ang mga taong ang pananaw sa mga bagay at ang tinatahak na mga landas ay naiiba sa mga anticristo. Sa mga mata ng mga anticristo, ang lahat ng taong ito ay nagiging mga hindi sumasang-ayon, at sila ang puntirya ng mga pambabatikos ng mga anticristo. Naniniwala ang mga anticristo na ganap na makatwiran ang pambabatikos at paghihiwalay sa mga hindi sumasang-ayon, na pagpoprotekta ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos at pagpoprotekta sa buhay-iglesia, gayong sa realidad ay isa itong diskarte at paraan ng pagpoprotekta sa sarili nilang katayuan at kapangyarihan. Talagang hindi nito pinoprotektahan ang gawain ng sambahayan ng Diyos, lalong hindi nito pinananatili ang normal na kaayusan ng buhay-iglesia para sa mga hinirang ng Diyos. Ang ilan sa mga hindi sumasang-ayon na nabanggit dito ay mga taong naghahangad sa katotohanan. Makatitiyak tayo rito dahil ang mga anticristo ay laban sa mga taong naghahangad sa katotohanan, at tanging ang mga taong naghahangad sa katotohanan ang nakakikilatis sa mga anticristo.
Enero 22, 2019