Unang Aytem: Sinusubukan Nilang Kuhain ang Loob ng mga Tao
Karagdagang Babasahin: Mga Karagdagang Katotohanan sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo
Ang temang tinalakay sa ilang nakaraang pagtitipon ay tungkol sa hustong pagganap ng isang tao sa kanyang mga tungkulin, at ikinategorya natin ang mga tungkuling dapat gampanan ng mga tao pati na rin ang mga tauhan. Ano ang mga espesipikong kategorya? (Ang unang kategorya ay ang tauhang nagpapalaganap ng ebanghelyo, ang ikalawang kategorya ay kinabibilangan ng mga lider at manggagawa sa iba’t ibang antas sa iglesia, ang ikatlong kategorya ay sumasaklaw sa mga tauhang gumaganap sa iba’t ibang espesyal na tungkulin, ang ikaapat na kategorya ay binubuo ng mga gumaganap sa mga ordinaryong tungkulin, ang ikalimang kategorya ay kinasasangkutan ng mga gumaganap sa mga tungkulin sa libre nilang oras, at ang ikaanim na kategorya ay tumutukoy sa mga hindi gumaganap sa mga tungkulin.) Sa kabuuan, may anim na kategorya. Noong nakaraan, tinalakay natin ang unang kategorya, na tungkol sa mga prinsipyo at katotohanang nauugnay sa tungkulin ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, na kinapapalooban ng paksa mula sa lahat ng aspekto ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, kabilang ang mga puntong dapat bigyan ng pansin, mga nauugnay na prinsipyo at katotohanan, at mga bahagi kung saan dapat mag-ingat ang mga tao, pati na rin mga karaniwang pagkakamali at pagbaluktot na nagaganap sa proseso ng pagganap sa tungkuling ito. Matapos makinig sa isang sermon sa isang partikular na tema, kaya ba ninyong ibuod ang mga pangunahing punto nito? Kung kaya ninyong maarok ang pinakamahalagang nilalaman ng isang tema, maisapuso ang mga nauugnay na katotohanan, at unti-unti, habang ginagampanan ang inyong tungkulin, ay magawa ninyo ang mga ito na sarili ninyong realidad, sarili ninyong buhay, at sarili ninyong landas ng pagsasagawa, tunay na ninyong naunawaan ang ibinabahagi kong nilalaman. Kung, matapos magbahagi tungkol sa isang sermon, pangkalahatang ideya lang ang mayroon kayo o mga partikular na pangyayari at kuwento lang ang naaalala ninyo pero hindi ninyo nauunawaan ang mga posibleng pinagbabatayang katotohanan at prinsipyo, at kung bakit tinatalakay ang mga bagay na ito, maituturing ba iyong pagkakaroon ng kakayahang makaarok? Maituturing ba iyong pagkaunawa sa katotohanan? (Hindi.) Hindi iyon maituturing na pagkaunawa sa katotohanan; ibig sabihin, hindi mo naunawaan kung anong mga katotohanan ang ipinapahatid, hindi mo naarok ang mga ito, at hindi mo tinanggap ang mga ito. Kung gayon, kaya ba ninyong gumawa ng buod? May makapagsasabi ba sa Akin ng mga pangunahing punto mula sa huli nating pagbabahaginan? (Pitong punto ang ibinuod natin: una, paano ilarawan ang tauhang nagpapalaganap ng ebanghelyo; ikalawa, ang diwa ng tungkulin ng pagpapalaganap ng ebanghelyo; ikatlo, ang saloobin ng mga tao sa tungkuling ito pati na rin ang mga panloob nilang pananaw; ikaapat, mga espesipikong prinsipyo ng pagsasagawa para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, gaya ng kung sino ang sumusunod sa mga prinsipyo sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at kung sino ang hindi; ikalima, kung paano itatrato ang mga umaayon sa mga prinsipyo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo; ikaanim, ang mga kahihinatnan kapag iniwan ng tauhang nagpapalaganap ng ebanghelyo ang trabaho niya at umalis sa kalagitnaan ng proseso ng pagganap sa kanyang tungkulin; ikapito, ang sakripisyo ng mga santo sa buong kasaysayan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, at kung paano natin dapat pahalagahan ang mga kasalukuyang oportunidad na gampanan ang ating mga tungkulin at mabilis na sangkapan ang ating sarili ng katotohanan.) Pangunahing sinasaklaw ng buod mo ang mahahalagang aspekto ng nakaraan nating pagbabahaginan—napakahusay. May nakalimutan ba? (May isa pang punto: pagbabago sa pananaw ng mga tao para maunawaan nilang ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay hindi lang tungkulin ng tauhan ng ebanghelyo kundi isang responsabilidad na hindi puwedeng iwasan ng lahat ng sumasampalataya at sumusunod sa Diyos. Isa itong katotohanang dapat maarok ng hinirang na mga tao ng Diyos.) Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay responsabilidad at obligasyon ng bawat indibidwal—isa rin itong aspekto nito. Alam ba ninyo ang layunin ng pagbabahagi tungkol sa katotohanang ito? Ito ay upang tugunan ang mga paglihis sa pag-arok ng mga tao. Alam ba ninyo kung sa aling mga aspekto may mga paglihis? (Hindi ko alam.) Dahil hindi ninyo ito alam, pinapatunayan nitong hindi ninyo nauunawaan ang aspektong ito ng katotohanan. Kaya, bakit kinailangan Ko pang magbahagi tungkol sa katotohanang ito? Sa positibong bahagi, isa itong aspekto ng katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao. Sa negatibong bahagi, ito ay upang tugunan ang mga paglihis na mayroon ang lahat ng tao sa pagkakaunawa nila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo.
Maraming tao ang may mga paglihis sa pagkaunawa nila sa usaping ito ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Iniisip ng ibang tao, “Kasalukuyan akong gumagawa ng espesyal na tungkulin, kaya walang kinalaman sa akin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Hindi ko ito alalahanin. Samakatwid, walang kaugnayan sa akin ang mga katotohanan, prinsipyo, at hinihingi ng Diyos na kailangang maunawaan para maipalaganap ang ebanghelyo. Hindi ko kailangang maunawaan ang mga bagay na ito.” Kaya, kapag pinagbabahaginan ang aspektong ito ng katotohanan tungkol sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, wala silang pakialam, hindi nila ito maingat na isinasaalang-alang, at hindi nila ito pinagtutuunan ng pansin. Kahit makinig sila, hindi nila alam kung ano ang tinalakay. Mayroon ding mga nagsasabi, “Matapos kong manampalataya sa Diyos, palagi na akong lider. May kakayahan ako at abilidad na magtrabaho. Isinilang ako para maging isang lider. Lumilitaw na parang ang tungkuling ibinigay sa akin ng Diyos at ang misyon ko sa buhay ay maging isang lider.” Sa di-tuwirang paraan, ipinapakahulugan nilang walang kinalaman sa kanila ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Kaya, kapag ibinabahagi ang katotohanan tungkol sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, hindi nila ito sineseryoso. Kapag hiniling sa kanilang ibuod kung ano ang pinagbahaginan sa huling pagtitipon, matagal na binubuklat ng ilang tao ang mga sinulat nila pero hindi pa rin nila alam. Bakit ito nangyayari? Dahil ba ito sa mahina nilang memorya? (Hindi.) Dahil ba marami silang iniisip at puno na ang utak nila? (Hindi.) Hindi ganoon. Ipinapakita nito na ang saloobin ng mga tao sa katotohanan ay isa ng pagiging tutol dito at ng hindi pagmamahal sa katotohanan. Samakatwid, hinihimok Ko ang lahat at ipinapaalam Ko sa lahat na ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay hindi isang espesyal na responsabilidad para sa isang partikular na uri ng tao o grupo ng mga tao, kundi responsabilidad ng bawat taong sumusunod sa Diyos. Bakit kailangang maunawaan ng mga tao ang katotohanan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo? Bakit kailangang malaman ng mga tao ang mga katotohanang ito? Bilang isang nilikha, bilang isa sa mga sumusunod sa Diyos, kahit na anong edad, kasarian, o kung gaano man kabata o katanda ang isang tao, ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay isang misyon at responsabilidad na dapat tanggapin ng lahat. Kung dumating sa iyo ang misyong ito at hinihinging gugulin mo ang iyong sarili, magbayad ng halaga, o ibigay pa nga ang buhay mo, ano ang dapat mong gawin? Tungkulin mong tanggapin ito. Ito ang katotohanan, ito ang dapat mong maunawaan. Hindi ito isang simpleng doktrina—ito ang katotohanan. Bakit Ko sinasabing katotohanan ito? Dahil kahit paano man magbago ang panahon, ilang dekada man ang lumipas, o paano man magbago ang mga lugar at espasyo, palaging magiging isang positibong bagay ang pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos. Hindi kailanman magbabago ang kahulugan at halaga nito: Hinding-hindi ito maiimpluwensiyahan ng pagbabago sa panahon o sa pang-heograpiyang lokasyon. Walang hanggan ang pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos, at bilang isang nilikha, dapat mo itong tanggapin at isagawa. Ito ang walang hanggang katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay hindi ang tungkuling ginagampanan ko.” Gayumpaman, ang katotohanang ito na nauugnay sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ay isang bagay na dapat maunawaan ng mga tao, dahil isa itong katotohanang nauugnay sa mga pangitain, at dapat itong maunawaan ng lahat ng nananampalataya sa Diyos; pundasyon ito sa pananalig sa Diyos at kapaki-pakinabang sa buhay pagpasok. Higit pa rito, anumang tungkulin ang ginagampanan mo sa iglesia, magkakaroon ka ng mga pagkakataong makasalamuha ang mga walang pananampalataya, at samakatwid ay responsabilidad na ipalaganap ang ebanghelyo sa kanila. Sa sandaling maunawaan mo ang katotohanan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, malalaman mo sa iyong puso, “Responsabilidad kong ipahayag ang bagong gawain ng Diyos, ipalaganap ang ebanghelyo ng gawain ng Diyos na pagliligtas sa sangkatauhan. Kahit kailan man o saan man, at anuman ang posisyon o papel ko, kung naglilingkod ako bilang isang aktor, may obligasyon akong magpalaganap ng ebanghelyo; at kung kasalukuyan akong isang lider ng iglesia, may obligasyon din akong magpalaganap ng ebanghelyo. Anuman ang tungkuling kasalukuyan kong ginagampanan, may obligasyon akong ipahayag ang ebanghelyo ng kaharian. Sa tuwing may pagkakataon o libreng oras, kailangan kong humayo at ipalaganap ang ebanghelyo. Isa itong responsabilidad na hindi ko puwedeng iwasan.” Ganito ba mag-isip ang karamihan ng tao sa kasalukuyan? (Hindi.) Kung gayon, ano ang iniisip ng karamihan ng tao? “May nakatakda akong tungkulin sa ngayon. Nag-aaral ako at nakatutok sa isang espesipikong propesyon, isang sangay ng pag-aaral, kaya walang kinalaman sa akin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo.” Anong uri ito ng saloobin? Isa itong saloobin ng pag-iwas sa responsabilidad at misyon ng isang tao, isang negatibong saloobin. Hindi isinasaalang-alang ng mga taong ito ang mga layunin ng Diyos, mapaghimagsik sila laban sa Diyos. Kahit na sino ka man, kung wala kang pasanin para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, hindi ba’t isa itong tanda na wala kang konsensiya at katwiran? Kung hindi ka aktibo at konstruktibong tumutulong, umaako ng responsabilidad, at nagpapasakop, pabasta-basta ka lang gumagawa sa pasibo at negatibong paraan—hindi katanggap-tanggap ang saloobing ito. Anumang tungkulin ang gampanan mo, anumang propesyon o sangay ng pag-aaral ang kinapapalooban nito, ang isa sa mga pangunahing kinalabasan na dapat mong makamit ay ang kakayahan mong magpatotoo sa at magpahayag ng ebanghelyo ng gawain ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Ito ang pinakamaliit na hinihingi sa isang nilikha. Kung hindi mo man lang matugunan kahit ang pinakamaliit na hinihinging ito, ano ang iyong natamo sa pagganap sa tungkulin mo sa mga taong ito ng pananampalataya sa Diyos? Ano ang nakamit mo? Nauunawaan mo ba ang mga layunin ng Diyos? Kahit na maraming taon ka nang gumaganap sa tungkulin mo at naging mahusay na sa iyong propesyon, kung wala kang masabing anuman o hindi mo kayang makipagbahaginan sa anumang aspekto ng katotohanan kapag hiniling sa iyong magpatotoo sa Diyos, ano ang problema rito? Ang problema ay hindi mo nauunawaan ang katotohanan. Maaaring maramdaman ng ilang tao na hindi patas na sabihing hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Maaaring isipin nilang naging epektibo sila sa pagganap sa kanilang tungkulin, pero hindi nila nauunawaan ang mga pangitain ng gawain ng Diyos at ang Kanyang layunin sa pagliligtas sa sangkatauhan. Katumbas ba ito ng pagkaunawa sa katotohanan? Kung tutuusin, wala kang naitatag na pundasyon sa tunay na daan para sa pananampalataya mo sa Diyos. Wala kang dinadalang pasanin para sa pagpapahayag ng gawain ng Diyos at ng ebanghelyo ng Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, at wala kang anumang kaalaman, pang-unawa, o pag-arok. Tunay ka bang maituturing kung gayon na isang taong sumusunod sa Diyos? Nakabuo ka na ba ng normal na relasyon sa Diyos? Kung hindi mo pa nakamit ang alinman sa mga bagay na ito, hindi mo tinataglay ang katotohanang realidad.
Ngayon, bumalik tayo sa paksang tinatalakay natin kanina. Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay responsabilidad at obligasyon ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos. Dahil natalakay na natin ang aspektong ito ng katotohanan, ano ang isang aytem na dapat maunawaan ng lahat? Magbayad man ng halaga ang isang tao, talikuran ang pamilya niya at magtrabaho para gugulin ang sarili niya para sa Diyos, o ialay pa nga ang kanyang buhay, sa realidad, ang lahat ng ito ay mabababaw na bagay. Ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao sa huli? Iyon ay na sa pagtaas ng tayog mo at sa paglago ng buhay mo, sa paglipas ng panahon, unti-unti mong sinisimulang maunawaan ang iba’t ibang katotohanan tungkol sa gawain ng Diyos at sa Kanyang layunin sa pagliligtas sa sangkatauhan. Lalong nagiging maliwanag ang puso mo sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos, at mas umiigting ang determinasyon mong pasanin ang tungkuling ito. Kung maraming taon nang nagtatrabaho ang isang lider ng iglesia, pero sa paglipas ng mga taon niya ng pangunguna sa iglesia, nababawasan ang kanyang emosyon, hindi na siya masyadong naaantig, at may mas kaunting pasanin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, gaano niya kahusay na nagagampanan ang kanyang tungkulin? (Hindi mahusay.) Bakit? Ano ang lumilitaw na isyu? Kung siya ay nagkakaroon ng o namumuhay sa ganoong kalagayan, kahit papaano ay isang bagay ang tiyak: Hindi hinangad ng taong ito ang katotohanan sa mga taon na ito at wala siyang ginawang anumang aktuwal na gawain. Para siyang burukratikong kadre ng malaking pulang dragon. Bilang resulta, wala siyang pasanin at walang kaalaman sa pagpapahayag ng pangalan ng Diyos at pagpapatotoo sa Kanyang gawain. Hindi ba’t ito ang kinalabasan? (Oo.) Isa itong hindi maiiwasang kinalabasan. Gaano man karaming taon nang nagtatrabaho ang taong ito, kahit na iniisip pa niyang mataas ang tayog niya, na kaya niyang isaalang-alang ang pasanin ng Diyos, at kayang maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos, pero pagdating sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, umaatras siya, hindi niya alam kung paano ito gawin. Kapag nakakasalamuha niya ang mga taong nananabik sa pagpapakita ng Diyos at naparito para hanapin at siyasatin ang tunay na daan, umuurong ang dila niya. Hindi siya makapagsalita, at hindi niya alam kung saan magsisimula. Ano ang problema rito? Ito ay na hindi niya nauunawaan ang katotohanan at hindi niya nakamit ang katotohanan, kaya hindi siya makapagpatotoo sa Diyos. Tanging ang mga taong nakakaunawa sa katotohanan ang makakapagpatotoo sa Diyos. Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos ay nakapaloob sa saklaw ng mga tungkulin mo. Kung nauunawaan mo ang katotohanan, kung nakamit mo ang katotohanan, bakit wala kang masasabi kapag nakasalamuha mo ang mga taong nagsisiyasat sa tunay na daan? Hindi ba’t problema ito? Madalas ba ninyong natatagpuan ang inyong mga sarili sa ganitong mga sitwasyon? (Oo.) Ano ang problema rito? Wala kayong pasanin. Problema ba ang hindi pagkakaroon ng pasanin? Magagampanan ba ninyo ang inyong tungkulin nang walang pasanin? Kahit na gampanan pa ninyo ang inyong tungkulin, magagawa ba ninyo ito nang tapat? Magagawa ba ninyo ito nang sapat? Kahit na ang hindi pagkakaroon ng pasanin ay maaaring hindi isang mapaminsalang isyu, malubhang problema pa rin ito, dahil naaapektuhan nito kung gaano mo kahusay na ginagampanan ang tungkulin mo. Hindi ba’t kailangang lutasin ang problemang ito? (Oo, kailangan.) Kaya, paano ninyo ito lulutasin? Kailangan ninyong baligtarin ang mga mali ninyong pananaw tungkol sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at unawain ang katotohanan nito. Ang lahat ng gawain na kasalukuyan ninyong kinasasangkutan ay direktang nauugnay sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo at nakapaloob ito sa saklaw ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Nilalayon nito ang pagpapatotoo sa Diyos, pagpapalawig ng gawain ng ebanghelyo, pagpapatotoo tungkol sa pangalan ng Diyos, at pagpapahayag ng ebanghelyong ito ng gawain ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan, para mas maraming tao ang makaalam nito, at mas maraming tao ang lumapit sa Diyos, tumanggap sa paglupig ng Diyos, tumanggap sa pagliligtas ng Diyos, at sa huli, kung mapalad silang matanggap ang paggawang perpekto ng Diyos sa kanila—lalo pa iyong mas mainam. Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng mas maraming tao na lumalapit sa Diyos, at ano ang dapat nitong makamit na kinalabasan sa huli? (Ang magdulot sa mas maraming tao na matamo ang pagliligtas ng Diyos.) Bakit dapat makamit ang layon na ito? Dahil ito ang layunin ng Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit walang-sawa naming ipinapaliwanag ang mga katotohanang ito. Kung wala itong kinalaman sa layunin ng Diyos, walang silbi at walang katuturan ang pag-usapan ang mga bagay na ito. Dahil layunin ito ng Diyos, nililinaw natin ito at tinutulungan natin ang lahat na maunawaan ito, para malaman nilang ito ang katotohanan at na dapat magsumikap ang lahat para sa katotohanang ito ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, nang sa gayon ay magkaroon ang bawat tao ng ganitong uri ng kaalaman at makabuo ng ganitong uri ng pasanin.
Ang kasunod na tanong ay, bakit natin dapat hayaan na mas maraming tao ang makaunawa sa layunin ng Diyos para magawa nilang maipalaganap ang ebanghelyo at matupad ang kanilang mga tungkulin? Bakit dapat itong gawin? Maaaring sabihin ng ilan, “Nais ng Diyos na maligtas ang bawat tao at ayaw Niyang mapahamak ang sinuman, kaya dapat nating hayaan na mas maraming tao ang tumanggap sa gawain ng Diyos.” Tama ang pahayag na ito, pero hindi ito ang mahalagang sagot sa tanong. Kaya, ano ang mahalagang sagot sa tanong na ito? Alam ba ninyo? (Nais ng Diyos na magkamit ng isang grupo ng mga taong kaisa Niya ng puso at isipan.) Nais ng Diyos na makamit ang isang grupo ng mga taong kaisa Niya ng puso at isipan, at kailangan itong makamit sa pamamagitan ng pagpapalawig sa ebanghelyo. Ang pinag-uusapan natin ngayon ay ang malawak na pagpapalaganap ng ebanghelyo. May pagkakaiba ba sa pagitan ng malawak na pagpapalaganap ng ebanghelyo at ng pagkakamit ng isang grupo ng mga tao? (Oo.) Kung gayon, ano ang layunin ng malawak na pagpapalaganap ng ebanghelyo? (Ang maligtas ang mas maraming tao hangga’t maaari.) Ang maligtas ang mas maraming tao hangga’t maaari ay isang prinsipyo ng pagliligtas ng Diyos pero hindi ang sagot sa tanong na ito. Mula nang magsimula ang gawaing ito, paulit-ulit Kong tinalakay ang tungkol sa kung paanong, sa panahong ito, dumating ang Diyos para gumawa ng gawain nang sa gayon ay pasinayaan ang isang kapanahunan, para magdala ng bagong kapanahunan at wakasan ang luma—para dalhin ang Kapanahunan ng Kaharian at wakasan ang Kapanahunan ng Biyaya. Ang lahat ng tumanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw ay nakasaksi sa katunayang ito. Ang Diyos ay gumagawa ng bagong gawain, ipinapahayag ang katotohanan para hatulan ang sangkatauhan, dinadalisay at inililigtas ang sangkatauhan. Nagsimula nang lumaganap ang ebanghelyo ng kaharian sa maraming bansa. Lumabas na ang sangkatauhang ito sa Kapanahunan ng Kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya. Hindi na sila nagbabasa ng Bibliya, hindi na sila namumuhay sa ilalim ng krus, at hindi na sila tumatawag sa pangalan ng Tagapagligtas na si Jesus. Sa halip, nananalangin sila sa ngalan ng Makapangyarihang Diyos at kasabay ring tinatanggap ang mga kasalukuyang salita ng Diyos bilang mga prinsipyo, pamamaraan, at layon ng pananatili sa buhay nila. Hindi ba’t ang ibig sabihin nito ay nakapasok na sa bagong kapanahunan ang mga tao? (Oo.) Nakapasok na sila sa bagong kapanahunan. Kaya, ano ang kapanahunan kung kailan mas marami pang tao, na hindi pa tumatanggap sa ebanghelyo sa mga huling araw at sa mga bagong salita ng Diyos, ang nabubuhay pa rin? Nabubuhay pa rin sila sa Kapanahunan ng Biyaya. Ngayon, ano ang inyong responsabilidad? Ito ay ang dalhin sila palabas mula sa Kapanahunan ng Biyaya at papasok sa bagong kapanahunan. Matutupad ba ninyo ang atas ng Diyos sa pamamagitan lamang ng pagdarasal at pagsambit sa Kanyang pangalan? Sapat na ba ang mangaral lang ng ilang salita ng Diyos? Talagang hindi ito sapat. Hinihingi nito sa bawat isa sa inyo na magkaroon ng pasanin na gampanan ang atas na ito ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, na malawakang ipamahagi ang mga salita ng Diyos, na ipalaganap ang mga salita ng Diyos sa iba’t ibang paraan, at iproklama at palawigin ang ebanghelyo ng kaharian. Ano ang ibig sabihin ng palawigin? Ito ay nangangahulugan na iparating ang mga salita ng Diyos sa mga hindi pa nakatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, na ipaalam sa mas maraming tao na gumagawa ang Diyos ng bagong gawain, at pagkatapos ay magpatotoo sa kanila tungkol sa mga salita ng Diyos, gamitin ang inyong mga karanasan para magpatotoo tungkol sa gawain ng Diyos, at dalhin din sila sa bagong kapanahunan—sa ganitong paraan, papasok sila sa bagong kapanahunan tulad ninyo. Malinaw ang hangarin ng Diyos. Hindi lamang para sa inyo na nakarinig sa Kanyang mga salita, na tumanggap sa mga ito, at sumunod sa Diyos, ang makapasok sa bagong kapanahunan, kundi dadalhin din Niya ang buong sangkatauhan sa bagong kapanahunang ito. Ito ang hangarin ng Diyos, at ito ay isang katotohanan na dapat malaman ng bawat tao na sumusunod ngayon sa Diyos. Hindi inaakay ng Diyos ang isang grupo ng tao, ang isang maliit na paksyon, o ang isang maliit na pangkat etniko papasok sa bagong kapanahunan; sa halip, nilalayon Niyang dalhin ang buong sangkatauhan sa bagong kapanahunan. Paano maisasakatuparan ang layong ito? (Sa pamamagitan ng malawakang pagpapalaganap ng ebanghelyo.) Tunay nga na dapat itong maisakatuparan sa pamamagitan ng malawakang pagpapalaganap ng ebanghelyo, gamit ang iba’t ibang pamamaraan at diskarte upang malawakang maiparating ang ebanghelyo. Madali lamang magsalita tungkol sa malawakang pagpapalaganap ng ebanghelyo, ngunit paano ba ito dapat partikular na gawin? (Nangangailangan ito ng pakikipagtulungan ng tao.) Mismo, ito ay nangangailangan ng pakikipagtulungan ng tao. Kung palaging kakapit ang mga tao sa ilang lumang bagay na nasa puso nila, palaging magkikimkim ng ilang baluktot na elemento, panghahawakan ang mga lumang regulasyon at gawi, pero hindi seseryosohin ang gawain ng ebanghelyo, at hindi tatanggapin ang atas ng Diyos, itinuturing ang gawain ng ebanghelyo na walang kaugnayan sa kanila, puwede bang tumaas ang posisyon ng ganitong mga tao at magamit ng Diyos? Puwede ba nilang taglayin ang mga kwalipikasyon para makapamuhay sa harapan ng Diyos? Matatamo ba nila ang pagsang-ayon ng Diyos? Talagang hindi. Samakatwid, kailangan Kong kumilos sa inyong mga kaisipan, tandaan ang anumang elementong hindi ninyo nauunawaan, at walang-sawang ipaliwanag ang mga nauugnay na katotohanan hanggang sa maarok ninyo ang mga ito. Gaano man kayo kamanhid at kahinang umunawa, kailangan Ko kayong patuloy na kausapin at ipaunawa sa inyo na ito ang layunin ng Diyos, ito ang tungkuling dapat ninyong gampanan, at ito ang misyon at obligasyon ninyo sa buhay na ito. Kung hindi mo pagtutuunan ng pansin ang sinasabi Ko o kung hindi mo ito nauunawaan, kailangan Kong patuloy na magsalita. Kahit na sawa ka na rito, kailangan Kong patuloy na magsalita hanggang sa maunawaan mo ang katotohanan. Ano ang katotohanan? Ang katotohanan ay kung ano ang ipinapahayag ng Diyos; ito ay ang mga layunin ng Diyos, ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, at ang katotohanang realidad na dapat taglayin ng mga tao sa bagong kapanahunan. Paano dapat ituring ng mga tao ang mga layunin ng Diyos? Dapat nilang tanggapin ang mga ito nang walang pasubali at lubusan, pagkatapos ay magpasakop at tumulong, nang sa gayon ay matugunan ang mga layunin ng Diyos. Obligasyon ito ng isang tao. Nauunawaan ba ninyo kapag ganito ang pagkakasabi Ko? Maaaring sabihin ng ilan, “Naku, hinihingi ng Diyos sa mga tao na tanggapin ang Kanyang atas, pero ano ang kinalaman niyon sa ating mga tao na hindi makabuluhan?” Tingin ba ninyo ay may kinalaman ito sa kanila? (Mayroon.) Ano ang kinalaman nito sa kanila? Hayaan ninyong ipaliwanag Ko. Ang Diyos ay ang Lumikha, at ang mga tao ay ang Kanyang mga nilikha. Ano ang ugnayan sa pagitan ng “paglikha” at “nilikha”? Ito ay ang ugnayan sa pagitan ng paggawa at ng ginagawan, sa pagitan ng paglikha at nililikha. Dahil ipinaalam na sa iyo ang mga layunin ng Lumikha, anong saloobin ang dapat mayroon ka sa iyong pagtugon? (Tanggapin ang mga ito at tumulong nang buong lakas ko.) Mismo, dapat kang magpasakop sa mga ito at tanggapin ang mga ito, tumulong nang buo mong lakas, anuman ang kapalit. Kalakip ba ng pagtulong na ito ang paghahangad sa katotohanan? Kalakip ba nito ang pag-unawa sa katotohanan? Pareho itong kabilang. Dahil nauunawaan mo ang mga hinihingi at ang atas ng Diyos, nauugnay ang mga ito sa misyon mo, tungkulin mo ang mga ito—dahil alam mo ito, dapat mo itong tanggapin. Ito ang dapat gawin ng isang taong may konsensiya at katwiran. Kung alam mo ang mga hinihingi at ang atas ng Diyos pero hindi mo kayang tanggapin ang mga ito, wala kang konsensiya at katwiran, at hindi ka karapat-dapat na tawaging tao. Maaaring hindi pa rin nauunawaan ng ilang tao, iniisip na, “Ano bang kinalaman sa amin ng mga layunin ng Diyos?” Kung walang kinalaman sa iyo ang mga layunin ng Diyos, hindi ka tagasunod ng Diyos o miyembro ng sambahayan ng Diyos. Halimbawa, ipinanganak ka ng mga magulang mo at pinalaki ka sa loob nang maraming taon; kumain ka ng pagkain nila, tumira sa bahay nila, at ginastos ang pera nila. Pero kapag may problema sa bahay, at sinasabi mong wala itong kinalaman sa iyo, binabalewala ito at lumalayas ka na lang, anong klaseng kabuktutan ito? Ang sabihing isa kang tagalabas ay magandang pakinggan; sa realidad, isa kang mapaghimagsik na buktot, isang hayop na nakadamit ng tao, mas mababa sa isang halimaw. Ginawa nang malinaw para sa iyo ang layunin ng Diyos, at sinasabi ng Diyos, “Tinanggap ninyo ang yugtong ito ng gawain, at nauna ko nang ibinigay sa inyo ang mga salitang ito, para mauna ninyong marinig ang mga ito, at narinig nga ninyo ang mga ito, naunawaan ang mga ito, at naarok ang mga ito. Ngayon, sasabihin Ko rin sa inyo ang layunin Ko at ang hinihingi Ko sa inyo. Dapat ninyong ipahayag ang Aking gawain, Aking mga salita, at ang mga bagay na isasakatuparan Ko para bigyang-daan ang buong sangkatauhan na marinig ang boses Ko; dapat ninyong palawigin ang Aking ebanghelyo ng kaharian para bigyang-daan ang buong sangkatauhan na mabilis na tanggapin ang gawain ng Diyos at makapasok sa Kapanahunan ng Kaharian. Ito ang layunin at hinihingi ng Diyos.” Paano ka dapat magnilay pagkarinig nito? Anong uri ng saloobin ang dapat mayroon ka? Paano ka dapat pumili? Paano mo dapat gampanan ang tungkuling dapat gampanan ng isang nilikha? Maaaring maramdaman ng ilang tao na mabigat ang pasanin, pero hindi sapat ang damdamin lang; kailangan mo ng aksyon at tunay na pagkaunawa. Dapat kang manalangin sa Diyos nang ganito: “O Diyos, ipinagkatiwala Mo sa akin ang responsabilidad ng pagpapalaganap ng ebanghelyo—ito ang labis na kagalakan Mo. Kahit na katiting lang na katotohanan ang nauunawaan ko, handa kong gawin ang makakaya ko para tuparin ang atas na ito. Napakaraming sermon na ang narinig ko at naunawaan ko na ang ilang katotohanan—ang lahat ng ito ay biyaya Mo, at may responsabilidad na ako ngayong magpatotoo sa mga salita at sa gawain ng Diyos, para tuparin ang atas na ito.” Tama iyon; kapag may puso ng pagpapasakop sa Diyos ang mga tao, ginagabayan Niya ang mga ito. Malinaw nang sinabi ng Diyos sa mga tao na ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos ay isang obligasyon at isang responsabilidad na hindi puwedeng iwasan ninuman. Isa itong panghabambuhay na tungkulin, isang tungkulin ng bawat nilikha. Naglalaman ba ang mga salitang ito ng utos mula sa Diyos? Naglalaman ba ang mga ito ng panghihikayat Niya? (Oo.) Naglalaman ba ang mga ito ng layunin ng Diyos? (Oo.) Naglalaman ba ang mga ito ng mga katotohanang dapat maunawaan ng mga tao? (Oo.) May mga prinsipyo at landas ba ng pagsasagawa rito na maaaring sundin ng isang tao? (Oo.) Ilang punto ang binanggit Ko sa kabuuan? (Apat na punto: Ang una ay ang utos at panghihikayat ng Diyos. Ang ikalawa ay ang layunin ng Diyos. Ang ikatlo ay ang mga katotohanang dapat nating maunawaan. Ang ikaapat ay ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa na dapat sundin ng isang tao.) Tama iyon; nabanggit Ko ang apat na puntong ito sa kabuuan. Susunod, pagbahaginan natin ang espesipikong nilalaman ng bawat isa.
Ang unang aytem ay ang utos ng Diyos. Ano ang utos ng Diyos? (Ang ipahayag ang ebanghelyo ng kaharian.) Ito ay ang malawak na ipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian. Ang ikalawang aytem ay ang layunin ng Diyos. Ano ang layunin ng Diyos? Ito ay ang ipaalam sa mas maraming tao na dumating na ang Diyos, na may ginagawa Siyang bagong gawain, na nilalayon ng Diyos na baguhin ang kapanahunan, wakasan ang lumang kapanahunan, at akayin ang sangkatauhan sa isang bagong kapanahunan. Ito ang layunin ng Diyos, hindi ba? Masasabi ba ng isang tao na ang layunin ng Diyos ay ang palawigin ang ebanghelyo? Hindi iyon ganoon kasimple. Ang pagpapalawig sa ebanghelyo ay may pangwakas na layunin at resulta—ano iyon? (Ang ipaalam sa mas maraming tao na dumating na ang Diyos, may ginagawa Siyang bagong gawain, at nilalayon Niyang wakasan ang lumang kapanahunan, at akayin ang buong sangkatauhan tungo sa isang bagong kapanahunan.) Tama iyon, ang akayin ang buong sangkatauhan tungo sa isang bagong kapanahunan. Ano ang epekto nito sa sangkatauhan? Papasok ang sangkatauhan sa isang bagong kapanahunan; mababago ang kapanahunang ito. Kaya, ano ang layunin ng Diyos? Pakiulit ito. (Nilalayon ng Diyos na baguhin ang kapanahunan, wakasan ang lumang kapanahunan at akayin ang sangkatauhan sa isang bagong kapanahunan.) Wala kang puwedeng kalimutang anuman—naisulat mo ba ang lahat? (Oo.) Ang ikatlong aytem ay ang katotohanang dapat maunawaan ng mga tao. Ano ang katotohanang ito? (Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay ang tungkulin at responsabilidad ng bawat nilikha.) Iyon ang katotohanan. Sa katotohanang ito, ang dapat gawin ng mga tao ay ang tanggapin ang tungkulin ng pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagkatapos ay hanapin ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa na nakapaloob sa pahayag na ito. Ang pahayag na ito ay ang katotohanan para sa mga tao. Ano ang pahayag? (Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay ang tungkulin at responsabilidad ng bawat nilikha.) Ito dapat ang tungkulin at misyon. Paano mo nauunawaan ang tungkulin at misyon? Ang tungkulin ay ang responsabilidad na dapat tuparin ng isang tao, at ang responsabilidad na dapat tuparin ng isang tao ay ang kanya ring tungkulin. Pero iba ang misyon; ang misyon ay mas malaki, mas akma, may mas malalim na kahulugan at mas mabigat kaysa responsabilidad. Naisulat ba ninyo ito? (Oo.) Ngayon, may napansin ako; kailangang itala ang lahat ng nilalamang ito na tinatalakay natin bago kayo magkaroon ng ideya tungkol sa mga ito. Kung hindi ninyo isusulat ang mga ito, at makikinig lang nang ganito, hindi man lang ito mag-iiwan ng impresyon. Ano ang ipinapahiwatig nito? Ipinapakita nitong hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan; katiting na doktrina lang ang naaarok nila at ang kahulugan, konsepto, at balangkas lang ng ilang katotohanan ang alam nila. Pagdating sa mga espesipikong detalye ng mga katotohanang ito, kung paano isagawa ang mga ito at gamitin ang mga ito, wala silang ideya, hindi ba? Para sa karamihan sa inyo, hindi mahirap na pag-usapan ang doktrina nang dalawa o tatlong oras, pero pagdating sa paggamit sa katotohanan para lumutas ng mga sitwasyon, gamit ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa na naranasan at naunawaan na ninyo—mahirap iyon. Ano ang problema rito? Ang hindi pagkaunawa sa katotohanan, hindi ba’t tama iyon? Ngayon, dumako tayo sa ikaapat na aytem. Ano ang ikaapat na aytem? (Ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa na dapat sundin ng isang tao.) Paano tinutukoy ang mga prinsipyo at landas na ito? Tinutukoy ang mga ito batay sa dalawang bagay: Ang isa ay ang layunin ng Diyos, at ang isa pa ay ang katotohanan. Ang dalawang bagay na ito ang dapat maunawaan ng mga tao. Halimbawa, kung nag-aalangan kang ipalaganap ang ebanghelyo kapag hiniling ito sa iyo, pero sinasabi ng Diyos na ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay ang Kanyang layunin, ano ang dapat mong gawin? Ano ang dapat na maging mga prinsipyo mo ng pagsasagawa? Ano ang dapat na maging saloobin mo? Dapat kang magpasakop dito at tanggapin ito nang buo, nang hindi tumatanggi, nang walang pagsusuri o pagsisiyasat, nang hindi hinihingi ang dahilan. Ito ang tunay na pagpapasakop. Isa itong mahalagang prinsipyo na dapat sundin sa pagsasagawa ng katotohanan. Kapag pinag-uusapan natin ang layunin ng Diyos sa paraang nagbibigay-kahulugan, ano ang karaniwan nitong tinutukoy? Ang layunin ng Diyos ay talagang ang pagnanais ng Diyos, ang hangarin, pinanggagalingan, at panimulang punto para sa Kanyang mga pagkilos. Sa mga espirituwal na termino, tinatawag itong Kanyang “layunin” o ang “pangitain.” Kapag inihayag sa iyo ng Diyos ang Kanyang layunin, binibigyan ka Niya ng pangkalahatang direksyon, ipinapaalam sa iyo kung ano ang nilalayon Niyang gawin. Gayumpaman, kung hindi ibibigay ng Diyos ang mga detalye o mga prinsipyo, alam mo ba ang eksaktong landas at direksyon sa pagsasagawa? Hindi. Kaya kapag sinasabi Ko sa mga taong gawin ang isang bagay, iyong mga nakakapag-isip nang mabuti, na may puso at espiritu, ay agad na hahanapin ang mga detalye at kung paano ito espesipikong gawin pagkatapos itong tanggapin. Ang mga taong hindi nakakapag-isip nang mabuti, na walang puso at espiritu, ay maaaring mag-isip na madali ito at magmadaling kumilos nang hindi naghihintay para sa mga karagdagang detalye. Ito ang ibig sabihin ng hindi pag-iisip nang mabuti at bulag na paggawa sa isang gawain. Kapag nakatanggap ka ng atas mula sa Diyos at layon mong tuparin ang tungkulin mo at tapusin ang misyon mo, dapat mo munang maunawaan ang layunin ng Diyos. Kailangan mong malaman na nagmumula sa Diyos ang atas na ito, na layunin Niya ito, at dapat tanggapin mo ito, isaalang-alang ito, at higit sa lahat, magpasakop dito. Pangalawa, dapat mong hanapin kung aling mga katotohanan ang kailangan mong maunawaan para magampanan ang tungkuling ito, aling mga prinsipyo ang dapat mong sundin, at kung paano magsagawa sa paraang nakakatulong sa hinirang na mga tao ng Diyos at sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang mga ito ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Matapos maunawaan ang layunin ng Diyos, dapat mong agad na hanapin at unawain ang mga katotohanang nauugnay sa pagganap sa tungkuling ito at, matapos maunawaan ang katotohanan, tiyakin ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa ng mga katotohanang ito. Ano ang tinutukoy ng “mga prinsipyo”? Sa partikular, ang isang prinsipyo ay tumutukoy sa isang bagay kung saan dapat nakabatay ang pagkamit ng isang target o paggawa ng mga resulta kapag nagsasagawa ng katotohanan. Halimbawa, kung inatasan kang bumili ng isang aytem, ano ang mga espesipikong prinsipyo ng pagsasagawa? Una, kailangan mong maunawaan ang mga espesipikasyon at modelo ng aytem na bibilhin, ang mga pamantayan sa kalidad na dapat nitong matugunan, at kung akma ba ang presyo. Sa proseso ng paghahanap, magkakamit ka ng kalinawan tungkol sa mga partikular na prinsipyo ng pagsasagawa. Ang mga prinsipyong ito ay nagbibigay sa iyo ng sukat at ng saklaw—magiging maayos ka hangga’t mananatili ka sa saklaw na ito. Kapag naunawaan mo na ang mga pangunahing prinsipyong kaugnay ng mga espesipikasyon, kalidad, at presyo ng aytem, ipinapakita nitong naarok mo na ang mga kinakailangang pamantayan para sa gampaning ito. Ibig sabihin nito na talagang natutunan mo na kung paano magsagawa. Dapat maarok ng isang tao ang mga prinsipyo para maisagawa ang katotohanan: Ang mga prinsipyo ang susi, ang pinakapangunahing elemento. Kapag naarok mo na ang mga pundamental na prinsipyo ng pagganap sa tungkulin mo, ipinapakita nitong nauunawaan mo ang mga kinakailangang pamantayan sa pagganap sa tungkuling iyon. Ang makabisado ang mga prinsipyong ito ay katumbas ng malaman kung paano isagawa ang katotohanan. Kaya, sa anong batayan itinatag ang kakayahang ito sa pagsasagawa? Ito ay sa pundasyon ng pagkaunawa sa layunin ng Diyos at sa katotohanan. Maituturing bang pagkaunawa sa katotohanan kung isang pangungusap lang sa hinihingi ng Diyos ang alam mo? Hindi. Anong mga pamantayan ang dapat matugunan para maituring na pagkaunawa sa katotohanan? Dapat mong maunawaan ang kahulugan at halaga ng pagganap sa iyong tungkulin at, kapag naging malinaw na sa iyo ang tungkol sa dalawang aspektong ito, naunawaan mo na ang katotohanan ng pagganap sa tungkulin mo. Higit pa rito, matapos maunawaan ang katotohanan, dapat mo ring maarok ang mga prinsipyo ng pagganap sa tungkulin mo at ang mga landas ng pagsasagawa. Kapag kaya mo nang maarok at magamit ang mga prinsipyo ng pagganap sa tungkulin mo, at maglapat minsan ng kaunting karunungan, matitiyak mo na ang pagiging epektibo ng pagganap sa tungkulin mo. Sa pamamagitan ng pag-arok sa mga prinsipyong ito at pagkilos ayon sa mga ito, magiging handa kang isagawa ang katotohanan. Kung gagampanan mo ang iyong tungkulin nang hindi ito hinahaluan ng anumang mga layuning pantao, kung gagawin ito sa pamamagitan ng lubusang pagpapasakop sa mga hinihingi ng Diyos at ayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, ganap na umaayon sa mga salita ng Diyos, natupad mo na ang tungkulin mo sa ganap na kwalipikadong paraan, at kahit na maaaring may ilang pagkakaiba sa mga resulta kumpara sa mga hinihingi ng Diyos, maituturing pa rin itong pagsasakatuparan ng mga hinihingi ng Diyos. Kung gagampanan mo ang tungkulin mo nang ganap na alinsunod sa mga prinsipyo, kung tapat ka, sa abot ng iyong makakaya, ganap na umaayon sa layunin ng Diyos ang pagganap mo sa tungkulin. Natupad mo ang tungkulin mo bilang isang nilikha nang buong puso, isipan, at lakas mo, na siyang resultang naisakatuparan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng katotohanan. Ngayon, para maarok ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa, ano muna ang dapat mong maunawaan para makamit ang resultang ito? (Una, dapat nating maunawaan ang layunin ng Diyos, at pagkatapos ay tanggapin ito at magpasakop dito nang buong-buo at walang pagtanggi.) Ito ang dapat taglayin ng mga tao pagdating sa pagsasagawa at saloobin. Ano ang susunod na dapat maunawaan? Dapat mong maunawaan ang katotohanan, at ang mga detalyeng nakapaloob sa katotohanan ang bumubuo sa mga prinsipyo at landas. Para maarok ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawang dapat mong sundin, ang unang bagay na dapat mong maunawaan ay ang layunin ng Diyos, na sinusundan ng katotohanan. Ang mga ito ang dalawang pangunahing punto, at ang lahat ng iba pa ay binubuo ng detalyadong nilalaman na nakapaloob sa mga ito.
Ang unang kategorya tungkol sa mga gumaganap sa tungkulin nila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ay pansamantalang tatapusin dito. Ngayong araw, nagdagdag Ako ng kaunti pa bilang karagdagang babasahin na magsisilbing tagapagbukas ng pangunahing paksang tinalakay noong nakaraan. Kasabay nito, nagsisilbi itong babala para kilalanin ng lahat ang kahalagahan ng katotohanang ito, nang sa gayon ang bawat gampanin na kasalukuyan mong kinasasangkutan at bawat tungkuling ginagampanan mo ay nakatuon sa direksyon at layon na ito at isinasagawa sa pundasyong ito—nauugnay lahat sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Kahit na wala ka sa mga frontline na nakikipag-ugnayan sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, ang lahat ng tungkuling kasalukuyan mong ginagampanan ay masasabing nauugnay sa gawain ng ebanghelyo. Sa batayang ito, hindi ba’t ang lahat ay dapat na may mas malinaw at mas maliwanag na pagkaunawa tungkol sa katotohanang nauugnay sa pagpapalaganap ng ebanghelyo? (Oo.) Sa pamamagitan ng karagdagang babasahin ngayong araw, nagkaroon ba kayo ng malinaw na pananaw tungkol sa bigat at halaga ng tungkulin ng pagpapalaganap ng ebanghelyo? (Oo.) Kung gayon, ano ang pinakaakma at wastong saloobin na dapat taglayin ukol sa katotohanang ito sa hinaharap? Ang pagpapalawig sa ebanghelyo ay layunin ng Diyos. Nilalayon ng Diyos na wakasan ang lumang kapanahunang ito, at akayin ang mas marami pang tao sa harapan Niya, palabas sa lumang kapanahunan at tungo sa bago. Ito ang layunin ng Diyos, at isa itong bagay na dapat maunawaan ng lahat. Maaaring sabihin ng ilan, “Nauunawaan ko, pero hindi ako makaipon ng sigasig na kailangan para ipalaganap ang ebanghelyo, at wala sa puso ko ang pakikipagtulungan.” Ano ang isyu rito? (Kawalan ng pagkatao.) Mismo. Kinikilala mo ang sarili mo bilang isang nilikha at tagasunod ng Diyos, pero pagdating sa layunin ng Diyos na madalas Niyang ipinapangaral sa lahat, ang agaran Niyang layunin na malinaw na ipinaliwanag sa lahat ng tao, kung hindi mo ito pagtutuunan ng pansin at wala kang pakialam dito, anong uri ka ng tao kung ganoon? Pagpapamalas ito ng kawalan ng pagkatao. Gusto mong parangalan ang Diyos bilang dakila at sabihing Siya ang Diyos at Panginoon mo, pero pagdating sa layunin ng Diyos, wala kang ipinapakitang katiting na pakialam, walang anumang pagsasaalang-alang. Isa itong kawalan ng pagkatao, at walang puso ang ganitong tao. Dito na nagtatapos ang paksang ito.
Ang mga Kahulugan ng Pagiging mga Lider at Manggagawa at mga Dahilan sa Paglalagay sa Kanila sa Posisyon
Susunod, talakayin natin ang ikalawang kategorya: iyong mga gumaganap sa mga tungkulin ng mga lider at manggagawa. Kahit kaunti sa bilang, ginagampanan ng ganoong mga tao ang isang mahalagang papel pagdating sa kalikasan ng trabaho nila. Kinapapalooban din ng maraming katotohanan ang mga tungkulin ng mga lider at manggagawa—mas marami pa ngang katotohanan kaysa sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Bakit Ko ito sinasabi? Napakalawak ng saklaw ng mga tungkuling ito. Isang aspekto ng mga tungkuling ito ay ang gawain ng panlabas na pagpapalaganap ng ebanghelyo, at ang isa pa ay ang panloob na pagdidilig at pagtustos sa hinirang na mga tao ng Diyos, pamamahala nang mabuti sa buhay iglesia, pati na rin ang pangangasiwa sa mga usapin ng iglesia at paglutas sa lahat ng uri ng problema. Ibig sabihin, dapat maunawaan ng mga lider at manggagawa ang mas maraming katotohanan, at mas mahihigpit na hinihingi ang dapat hilingin sa kanila kaugnay ng ilang partikular na prinsipyo ng pagsasagawa, at ang relasyon nila sa Diyos ay dapat na mas malapit. Ang pagiging lider o manggagawa ay kinapapalooban ng pagsasagawa at pagpasok sa iba’t ibang aspekto ng katotohanan, sa mga landas na tinatahak ng mga tao, pati na rin ang marami pang aspekto. Kumpara sa pagganap sa tungkulin ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, ang pagiging lider o manggagawa ay mas malapit na nauugnay sa buhay pagpasok at nangangailangan din ng pagsasakatuparan ng pagbabago ng disposisyon. Ibig sabihin nito na ang iba’t ibang katotohanang nauugnay sa mahusay na paggawa ng gawain ng mga lider ay mas marami at mas malawak. Pero kahit na gaano pa iyon karami, nabibilang pa rin ang mga iyon sa ilang pangunahing tema, kaya suriin natin ang mga iyon nang kada aytem, at kada punto, at unti-unti ninyong mauunawaan ang mga ito. Magsimula tayo sa pag-uusap tungkol sa depinisyon ng mga lider at manggagawa. Bakit kinakailangang tukuyin ang mga ito? Ang depinisyon ay katumbas ng pagpoposisyon sa isang bagay, ibig sabihin, sinasabi nito sa mga tao ang kalikasan at saklaw ng mga responsabilidad ng mga tungkuling ito, pati na rin ang mga titulo ng mga ito—sa madaling salita, ano ang itatawag sa mga ito. Sa tumpak na pagtukoy sa mga tungkuling ito, maaaring magkaroon ang mga tao ng kalinawan ng pag-iisip kaugnay ng katayuan ng kategoryang ito ng mga tao sa isipan ng Diyos, kung ano ang hinihingi Niya sa kanila, at kung ano ang mga hinihingi Niya sa pagganap nila sa mga tungkuling ito, kung anong landas ang dapat nilang tahakin, at kung anong mga prinsipyo ang dapat nilang isagawa. Bata man sila o matanda, mataas at marangal ang posisyon, o mababa at hamak ang posisyon, at anuman ang pinanggalingan nila, sa anumang kaso, may mga hininging pamantayan ang Diyos para sa ganoong mga tao. Sa madaling salita, may mga katotohanang dapat maunawaan ng mga taong gumaganap sa ganoong mga tungkulin; may mga katotohanang prinsipyo na dapat nilang maarok at isagawa, at may isang partikular na landas na dapat nilang sundin. Kaya, paano karaniwang tinutukoy ang mga hinirang na mamuno at magtrabaho mula sa mga tagasunod ng Diyos? Ano ang eksaktong depinisyon? Ano ang pinaniniwalaang depinisyon ng mga tao? At ano ang eksaktong posisyong pinanghahawakan ng ganoong mga tao sa puso ng iba? Hindi ba’t nauugnay ito sa pagtukoy sa pagkakakilanlan at katayuan ng ganoong mga tao? Paano pinoposisyon ng iba ang grupong ito sa kanilang puso? Ito ba ay bilang mga apostol? Hindi. Ito ba ay bilang mga disipulo? Hindi rin ito bilang mga disipulo. May tumatawag ba sa kanila na mga pastol? (Oo.) Naaangkop bang titulo ang “mga pastol”? (Hindi.) Bakit hindi? (Maling posisyon ito.) May kakayahan ba ang mga taong gampanan ang papel ng mga pastol? (Wala.) Dahil hindi sila mga apostol o disipulo, at hindi rin naaangkop ang “mga pastol,” ano mismo ang pinakaangkop na pangalan para sa mga taong gumaganap sa mga tungkuling ito? Ano ang mas akmang termino? (Mga tagapagbantay.) Akma ba ang “mga tagapagbantay”? Wala akong nakikitang pagkakaiba sa pagitan ng titulong ito at ng “mga pastol.” Engrande kung pakinggan ang pangalang ito, pero ang gawaing ginagawa ng mga taong ito ay medyo maliit lang. Wala sa mga titulong ito ang akma. Kaya, batay sa kalikasan ng mga tungkuling ginagampanan ng mga taong ito, ano ang mas angkop na pangalan at depinisyon? Ano ang mga prinsipyo sa pagtukoy sa ganoong mga tao? Dapat tumugma ang depinisyon sa kalikasan ng gawain nila, pati na rin sa pagkakakilanlan at katayuan nila, at dapat sakto lang ito, at hindi masyadong engrande. Kung tinukoy natin ang mga taong ito bilang “mga apostol,” masyado bang engrande iyon? (Oo.) O kaya, paano kung “mga tagapagbantay”? (Mas engrande pa iyon.) May kakayahan ka bang bantayan ang mga tao? Kung hindi, hindi ka isang tagapagbantay. Paano kung “mga pastol”? Ano ang tinutukoy ng “mga pastol”? (Mga taong nag-aalaga ng kawan.) Tumutukoy ito sa mga taong nag-aalaga at nagbabantay sa isang kawan ng mga tupa. Akma talaga ang pangalan sa grupong ito, batay lang sa kalikasan ng gawain nila. Gayumpaman, batay sa mga kayang pasanin ng mga tao sa panahon ngayon, sa kaya nilang makamit, at sa mga tiwali nilang disposisyon, akma ba ang titulong “mga pastol”? (Hindi.) Medyo engrande ito. Wala silang kakayahang gawin ito, at hindi ito tugma sa kalikasan o saklaw ng gawaing ginagawa ng mga tao sa panahon ngayon. Malinaw, hindi akma sa kanila ang titulong ito. Ano, kung gayon, ang pinakaangkop na paraan para tukuyin ang kategoryang ito ng mga tao? (Bilang mga lider at manggagawa.) Ang pariralang ito ay medyo naaangkop.
Ano ang sanhi ng pag-usbong ng kategorya ng mga tao na mga lider at manggagawa? Paano sila umusbong? Sa pangkalahatan, kailangan sila para sa gawain ng Diyos; sa mas partikular, kailangan sila para sa gawain ng iglesia, kailangan sila ng hinirang na mga tao ng Diyos. Anuman ang pagkakakilanlan o katayuan nila, at anuman ang papel na ginagampanan nila, kapantay sila ng mga ordinaryong miyembro ng hinirang na mga tao ng Diyos; ang pagkakakilanlan at katayuan nila sa harapan ng Diyos ay pareho. Kahit na umiiral ang terminong “mga lider at manggagawa” sa iglesia, at kahit na “mga lider” at “mga manggagawa” ang mga indibidwal na ito na gumaganap ng ibang tungkulin kaysa sa mga kapatid nila, ang titulo nilang “mga nilikha” sa harapan ng Diyos ay pareho pa rin; hindi magbabago ang pagkakakilanlang ito. Ang kaibahan sa pagitan ng mga lider at manggagawa at ng mga ordinaryong miyembro ng mga hinirang ng Diyos ay ang isang natatanging katangian lamang sa mga tungkuling ginagampanan nila. Pangunahing nakikita ang natatanging katangiang ito sa kanilang mga tungkulin ng pamumuno. Halimbawa, gaano man karami ang mga tao na nasa isang iglesia, ang lider ang pinuno. Ano ang ginagampanang papel ng lider na ito sa mga miyembro? Pinamumunuan niya ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos sa iglesia. Ano ang epekto niya sa buong iglesia? Kung tumahak ang lider na ito sa maling landas, susundan siya ng lahat ng tao sa iglesia tungo sa maling landas, na magkakaroon ng malaking epekto sa lahat ng hinirang na tao ng Diyos sa iglesia. Halimbawa si Pablo. Pinamunuan niya ang marami sa mga iglesiang itinatag niya at ang mga taong hinirang ng Diyos. Noong naligaw si Pablo, naligaw rin ang mga iglesia at ang mga taong hinirang ng Diyos na pinamunuan niya. Kaya, kapag may sariling hiwalay na landas na tinatahak ang mga lider, hindi lang sila ang naaapektuhan, ang mga iglesia at ang mga taong hinirang ng Diyos na pinamumunuan nila ay naaapektuhan din. Kung ang isang lider ay isang tamang tao, na lumalakad sa tamang landas at hinahangad at isinasagawa ang katotohanan, ang mga taong pinamumunuan niya ay normal na kakain at iinom ng mga salita ng Diyos at normal na hahangarin ang katotohanan, at, kasabay nito, ang karanasan sa buhay at pagsulong ng lider ay makikita ng iba, at makakaapekto sa iba. Kaya, ano ang tamang landas na dapat lakaran ng isang lider? Ito ang kakayahang pangunahan ang iba tungo sa pagkaunawa ng katotohanan at sa pagpasok sa katotohanan, at akayin ang iba sa harapan ng Diyos. Ano ang maling landas? Ito ay ang paghahangad sa katayuan, kasikatan, at kapakinabangan, ang madalas na pagpapakitang-gilas ng sarili at pagpapatotoo sa sarili, hindi kailanman nagpapatotoo sa Diyos. Ano ang epekto nito sa mga hinirang na tao ng Diyos? (Inihaharap ang mga ito sa kanilang sarili.) Maliligaw sila papalayo sa Diyos at hahantong sa ilalim ng kontrol ng lider na ito. Kung pinangungunahan mo ang mga tao upang lumapit sa harapan mo, kung gayon pinangungunahan mo sila upang lumapit sa harapan ng isang tiwaling tao, at pinapangunahan mo sila upang lumapit sa harapan ni Satanas, hindi sa Diyos. Tanging ang pangunguna sa mga tao upang humarap sa katotohanan ang siyang pangunguna sa kanila upang lumapit sa harapan ng Diyos. Ang mga lider at manggagawa, kung tumatahak man sila sa tamang landas o sa maling landas, ay may direktang impluwensiya sa hinirang na mga tao ng Diyos. Kapag hindi pa nila nauunawaan ang katotohanan, karamihan sa mga hinirang ng Diyos ay bulag na sumusunod. Maaaring isang mabuting tao ang lider, at susundin nila siya; maaari namang isang masamang tao ang lider, at susundin pa rin nila siya—hindi nila nakikita ang pagkakaiba. Sumusunod sila ayon sa pamumuno sa kanila, kahit sino pa man ang lider. Kaya nga napakahalaga na ang mga iglesia ay pumili ng mabubuting tao para maging mga lider nila. Ang landas na tinatahak ng bawat taong sumasampalataya sa Diyos ay direktang may kaugnayan sa landas na tinatahak ng mga lider nila, at maaaring sa iba’t ibang antas ay maimpluwensiyahan ng mga lider at manggagawa na iyon. Magsimula tayo sa pamamagitan ng pagbabahaginan ayon sa dalawang linyang ito tungkol sa iba’t ibang katotohanang may kinalaman sa mga tungkulin ng mga lider at manggagawa—ang tamang landas, sa isang banda, at ang maling landas, sa kabilang banda. Alin sa dalawang ito para sa inyo ang dapat muna nating ibahagi? (Ang maling landas.) Bakit ito ang pinipili ninyo? Mas mabuti bang talakayin muna ang tamang landas, o ang maling landas? (Ang maling landas.) Ang totoo, pareho itong tama—pero magkakaroon ng ibang epekto kung alin ang unang tatalakayin. Kung magsisimula tayo sa pagtalakay sa maling landas, mas maraming matutuklasan ang mga tao tungkol sa tamang landas na nakapaloob sa maling landas at maraming pasibo at negatibong bagay o kaalaman din ang malalaman nila, na magagamit nila para pangaralan ang mga sarili nila. Makakakuha sila ng isang bagay na positibo mula rito, at kung pagkatapos ay magpapatuloy tayo para talakayin ang tamang landas, magagawa ng mga tao na maarok kung ano ang positibo sa mas malalim na lebel at mas mabilis. Magagawa talaga ang pamamaraang ito, at kapaki-pakinabang ito sa mga tao. Magsimula na tayo, kung gayon, sa pagtalakay sa maling landas.
Ang mga Paraang Ginagamit ng mga Anticristo para Kontrolin ang mga Tao
Kapag napili ang isang tao bilang lider o manggagawa at nagsimula na siyang gumanap sa mga tungkulin niya, dapat ba siyang sumunod sa isang partikular na asal? Tinatanong ng ilan, “Anong asal? Dapat ba niyang akyatin ang mga ulap o sawayin ang hangin at ang ulan?” Wala sa dalawang ito ang tama. Kahit na hindi niya dapat akyatin ang mga ulap o sawayin ang hangin at ang ulan, at talagang hindi rin siya dapat na sumigaw mula sa mga bubong, dahil isa siyang ginawang tiwaling tao na may tiwaling disposisyon at diwa ni Satanas, sa ganoong mga pagkakataon, talagang nakakaramdam ang bawat tao ng dumadagundong na puwersa sa kaibuturan nila. Lahat sila ay may matatayog na ambisyon, at nakakaramdam ng matinding kagustuhang magtagumpay sa karera nila, na ipagmalaki ang mga kakayahan nila, na makakuha ng atensyon, at na gawin ang lahat. Huwag muna nating pag-usapan, sa ngayon, kung tama o mali ang ganitong uri ng kagustuhan. Kapag napili ang isang tao bilang lider o manggagawa, nagkikimkim siya ng mga napakakumplikadong damdamin sa kaibuturan niya. Ano ang ibig kong sabihin ng kumplikado? Naniniwala ang ilan na hindi talaga madaling mapili bilang lider, at kahit na hindi sila sigurado kung mahusay nilang magagawa ang trabaho, at hindi alam kung ano ang magiging landas nila sa hinaharap, ganoon ang likas nilang katangian na napakasaya nila para sa oportunidad na ito, na napakaligaya nila na tanggapin ang marangal na responsabilidad at mabigat na pasaning ito. At saka, sa kaibuturan, pakiramdam nila ay medyo kuntento sila sa sarili nila at mapalad sila. Saan sila mapalad? Naniniwala sila, “Pinili ako mula sa dose-dosena pang iba—tiyak na ako ay sadyang mahusay at may kakayahan. Tiyak na mas magaling ako kaysa sa mga ordinaryong tao, at may mas mahusay na pag-arok at mas malawak na espirituwal na pang-unawa kaysa sa karamihan. Maraming taon na akong nanampalataya sa diyos, at marami na akong ginugol at pinagsikapan. Pinapatunayan ng mga katunayan na kwalipikado akong mamuno sa iglesia, ginagabayan ang mga tao sa pagpasok sa mga salita ng diyos at pag-unawa sa katotohanan. Napakaraming taong mas matalino, mas edukado, at mas matatas kaysa sa akin, kaya bakit ako ang pinili imbes na sila? Ipinapakita nitong may kakayahan ako at may mabuting pagkatao. Biyaya ito ng diyos.” Ito ang sinasabi nila sa sarili nila. Idinagdag na lang ang “biyaya ng diyos” sa dulo, pero sa katunayan, ang mga tunay nilang kaisipan at tunay na pagkaunawa ay nasa unang bahagi ng sinabi nila. Iniisip nila, “Kahit na hindi ako nakipagpaligsahan o nakipaglaban para dito, pinili pa rin ako. At ano ngayon ang dapat kong gawin? Hindi ko puwedeng biguin ang lahat, dapat kong ibigay ang lahat ng makakaya ko!” At paano nila ibinibigay ang lahat? Sa unang araw nila sa trabaho, ipinapatawag nila ang mga superbisor ng bawat grupo para sa isang pagtitipon, at may partikular silang asal at enerhiya sa kanila. Anong uri ng enerhiya? Kumikilos sila nang mabilis at tiyak, at pinapanindigan nila ang sinasabi nila, sabik na makagawa ng kahanga-hangang simula. Una, sinusubukan nilang ipakita sa lahat kung gaano sila kahusay, pagkatapos ay sinusubukan nilang himukin ang mga tao na kilatisin at talikuran ang nauna sa kanila. Sinasabi nila: “Ngayong araw, gumugol muna tayo ng ilang sandali sa paghimay sa nauna sa akin, halimbawa, ang mga paraang pinigilan niya ang mga tao, sa aling mga aspekto ng gawain siya nagkulang o naging pabaya, at iba pa—puwede tayong magbahagi tungkol sa lahat ng mga bagay na ito. Kapag natapos na tayong magbahaginan, at may malinaw na kayong pagkilatis sa nakaraang lider, kaya na ninyo siyang talikuran, hindi na niya kayo napipigilan, at hindi na ninyo siya hinahanap, maituturing na kayong nagtataglay ng pang-unawa, at bilang matapat at mapagpasakop sa diyos. Sa pagtitipon sa araw na ito, magsisimula tayo sa pagpuna sa nakaraang huwad na lider at anticristo. Ilantad natin siya.” Bilang tugon, sinasabi ng lahat na nagbahagi na sila tungkol dito, at nakilatis na nilang huwad na lider at anticristo ang nauna sa kanya, kaya wala na silang dapat ilantad. Pero hindi sumasang-ayon ang mga bagong lider na ito, at sinisimulan nilang isa-isahin ang mga tao at inuudyukan silang magbahagi. Hindi nila gusto ang pagbabahaginan ng ilang tao, kaya hinihiling nila sa isa sa mga kapatid na pinakamalapit sa dating lider na ilantad at himayin ito, pero matapos marinig ang pagbabahaginang ito, iniisip ng mga bagong lider, “Walang pagkilatis ang taong ito sa lider na nauna sa akin, at hindi pa rin niya ito tinatalikuran. Para bang may puwang pa rin siya sa puso ng taong ito. Hindi talaga ito puwede; ngayon, dapat akong mag-isip ng paraan para lubusang ilantad ang nauna sa akin.” Pagkatapos noon, ipapatawag nila ang isang taong may pinakapangit na relasyon sa nakaraang lider para tumindig at ilantad ito. Kapag nailantad na ng taong iyon ang nakaraang lider, nasisiyahan na sila, at iniisip nilang karapat-dapat linangin ang taong ito. At ano ang gusto nilang linangin? Gusto nilang maglinang ng isang kasabwat, maglinang ng sarili nilang mga puwersa. Ganito tumatakbo ang unang pagtitipon. At makakamit ba nila ang kanilang layon pagkatapos ng pagtitipong ito? Hindi pa lubusan, o hindi ganoon kabilis. Ano ang binabalak nila sa kanilang puso? “Wala nang mas hihiwaga pa sa puso ng tao, at wala nang mas sasama pa rito. Kailangan kong matiyak kung ano ang iniisip ng bawat tao tungkol sa nauna sa akin, at dapat malinaw sa akin kung ano ang iniisip nila sa akin, kung alam nila ang nakaraan ko, at kung alam nila ang lahat ng detalye tungkol sa akin, at sa huli, ipakita sa kanilang lahat na hindi nila ako dapat kantiin. Pero kailangan kong piliin nang mabuti ang mga paraan at taktika ko. Hindi ko puwedeng ilantad ang mga hangarin ko; kailangan kong itago ang mga ito.” At saan nanggagaling ang lahat ng kaisipan, paraan ng paggawa, at motibong ito? Sa satanikong kalikasan nila. May ganoon ba kayong mga pagpapamalas? Noong araw na pinili kayo bilang mga lider o manggagawa, maaaring nagsimula kayo sa pagpapaalala sa mga sarili ninyo na huwag tahakin ang maling landas, na huwag lakaran ang landas ng mga huwad na lider at anticristo. Maaaring sinabi ninyo sa mga sarili ninyo na dapat ninyong bitiwan ang katayuan, at huwag magtrabaho para sa sarili ninyong kasikatan, kapakinabangan, o katayuan, o mapangunahan ng pagnanais habang nagtatrabaho kayo, at bagkus magtrabaho nang mabuti para magawa ninyo ang inyong mga tungkulin, at maging tapat sa Diyos. Gayumpaman, sa paglipas ng panahon, may mga taong hindi mapigilan ang sarili nila, at sa sandaling magsalita o kumilos sila, nagiging napakalinaw ng layon nila—agad nilang sinusubukang patatagin ang sarili nilang katayuan at kunin ang loob ng mga tao. Sa sandaling may magpakita ng kahit katiting na pahiwatig ng kawalang-kasiyahan o pagsuway, naiirita sila, at kahit na maaaring hindi nila hayagang inihihiwalay o binabatikos ang taong iyon, sa kaibuturan ay nakakaramdam sila ng labis na pag-ayaw rito. Paano nila ipinapamalas ang damdaming ito ng pag-ayaw? (Hindi nila pinapansin ang taong iyon.) Ang hindi pagpansin dito ay isang tahimik na pagpapamalas, kaya anong mga espesipikong aksyon ang kinapapalooban ng pag-ayaw na ito? Halimbawa, pinapaupo nila ang mga taong gusto nila nang nakaharap sa kanila sa mga pagtitipon, at humahanap sila ng dahilan para paupuin ang mga taong ayaw nila sa gilid. Pag-atake ba ito? (Oo.) Ito ang simula ng pag-atake nila. Kumikilos na sila, hindi ba? (Oo.) Mas seryoso at malubha ang mga gawa kaysa sa mga salita o kaisipan. Bakit mas malubha ang mga ito? Ang pag-iisip ng isang bagay pero hindi ito ginagawa—galing ito sa isipan at mga kaisipan ng isang tao. Pero sa sandaling may gawa na, nagiging katunayan na ito. Kapag naging pag-uugali na ito, hindi na lang ito tiwaling disposisyon ni Satanas kundi isang masamang gawa. Matapos na ang mga tao ay mapiling mga lider, dinadala nila ang mga sarili nilang kahilingan, aspirasyon, at mithiin sa trabahong ginagawa nila at sa mga tungkuling ginagampanan nila. Pero ano ang iisang pagpapamalas na mayroon ang lahat ng taong nagtataglay ng tiwaling disposisyon ni Satanas? Ano ang pagkakapare-pareho nilang lahat? Sinusubukan nilang agawin ang kapangyarihan at patatagin ang sarili nilang katayuan. Sa anong paraan nila sinusubukang mang-agaw ng kapangyarihan? Una, inoobserbahan nila sa mga grupo kung sino ang mga sumisipsip at nakikipaglapit sa kanila. Pagkatapos, aktibo silang nakikipaglapit sa mga taong iyon, at, sa pamamagitan man ng pambobola o pag-aalok ng maliliit na pabor, gumagawa sila ng mga palihim na koneksyon at kinukuha ang loob ng mga ito, para ang mga taong ito—na may mga kapareho nilang kagustuhan, interes, ambisyon, o ang mga parehong kalikasan—ay maging masusugid nilang tagasunod, at makipag-isa sa kanila. At ano ang layon nila sa paghikayat sa mga taong ito na makipag-isa sa kanila? Ang patatagin ang katayuan nila at palawakin ang saklaw ng kanilang mga puwersa. Sa sandaling magkamit sila ng kapangyarihan, hindi lang ito usapin ng pagkakaroon nila ng huling salita, at iyon na iyon—gusto rin nilang makakalap ng mas maraming tao para sumunod sa kanila, sumuporta sa kanila, at magsalita para sa kanila, para kahit na may sabihin silang mali, may gawing mga masamang bagay, o atakihin at paghigpitan ang mga tao, magkakaroon pa rin ng mga taong gagawin ang sinasabi nila at sasang-ayunan sila. Ito ang layon nila. Pagkatapos, kung matuklasan ng Itaas ang mga problema nila at palitan sila isang araw, magkakaroon pa rin ng mga tao na gagawin ang lahat para magsalita para sa kanila, na magtatanggol sa kanila, at susubukang protektahan ang reputasyon nila. At anong paraan ang ginagamit nila para sa mga gawa nilang ito para makamit ang ganitong uri ng resulta? Pagkuha sa loob ng mga tao. Ginagamit nila ang paraan ng pagkuha sa loob ng mga tao para patatagin ang katayuan nila at palawakin ang saklaw ng kanilang mga puwersa. Isa ito sa mga paraan ng pang-aagaw ng kapangyarihan ng mga anticristo.
Pagdating sa mga diskarte na ginagamit ng mga anticristo para patatagin ang katayuan nila, ang una ay ang pagkuha sa loob ng mga tao at ang ikalawa ay ang pagbatikos at paghihiwalay sa mga hindi sumasang-ayon. Ang pagkuha sa loob ng mga tao ay nangangahulugang ginagamit nila ang paraan ng pagkuha sa loob ng mga taong sumisipsip sa kanila, nakikipaglapit sa kanila, nagtitiwala sa kanila, at sumusunod sa kanila, tama man sila o mali. Ang pagbatikos at paghihiwalay sa mga hindi sumasang-ayon ay nangangahulugang itinuturing nilang mga kaaway ang lahat ng nakakaunawa sa katotohanan, at nakakakilatis sa kanila dahil dito, tumatangging sumunod sa kanila, at umiiwas sa kanila. Itinuturing nila ang mga taong ito bilang mga pako sa mga mata nila at mga tinik sa kanilang tagiliran, at ang diskarteng ginagamit nila sa mga taong ito ay ang atakihin at ibukod ang mga ito. Halimbawa, sabihin nating napapansin ng isang anticristo na sa tuwing nagbabahaginan sila, napakasigla ng mga tao, na ang ilan ay nagtatala o nagre-record ng mga ito sa isang tape recorder. Mayroon lang isang batang kapatid na babae na hindi kailanman nagtatala o nagsasalita. Kaya, iniisip niya sa sarili niya: “May problema ba siya sa akin? O sa tingin ba niya ay hindi ako mahusay magbahagi? Bukod pa rito, sa tuwing darating ako, binabati ako ng ibang mga tao at tinatanguan sa magiliw na paraan, binibigyan ako ng tubig at inaalok ng upuan, pero hindi niya ako kailanman tinrato nang ganoon. Para bang hindi siya nagpaparaya sa akin—kailangan kong umisip ng paraan at humanap ng pagkakataon para turuan siya ng leksyon! Anong uri ng pagkakataon ang dapat kong hanapin? Isasaayos kong pangasiwaan niya ang isang bagay na tiyak na hindi niya magagawa nang maayos—mabibigyan ako noon ng dahilan para sermunan siya. Ito ang pinakamaganda kong pagkakataon para mahikayat siyang magparaya sa akin.” Pagkatapos, isinaayos niyang pagtrabahuhin ang kapatid na ito sa isang lugar na mapanganib. Iniisip niya: “Papapuntahin ko siya para magpalaganap ng ebanghelyo sa isang matandang pastor ng isang relihiyon, isang taong medyo malaswa at hindi tumatanggap sa katotohanan. Tingnan natin kung kaya niya itong mapagbalik-loob. Paano niya maipagtatanggol ang sarili niya kung hindi niya kaya? Kung hindi siya magpaparaya sa akin, ipapatapon ko siya sa malayo!” Pagkatapos, magpapatuloy siya para sabihin dito: “Sa ngayon, napakataas ng tingin sa iyo ng karamihan sa mga kapatid. Maraming taon ka nang nananampalataya sa diyos, at maraming katotohanan ang nauunawaan mo. May isang relihiyosong pastor na maraming alam sa Bibliya, at ikaw ang pinakaakmang pumunta para magpalaganap ng ebanghelyo sa kanya.” Kapag nakatagpo ng kapatid na babae ang pastor, makikita ng pastor na bata at maganda ito, at magugustuhan niya ito—babastusin pa nga niya ito. Pagbalik nito, sasabihin ng kapatid na babae na ayaw na niyang muling bumalik, na sasagutin ng anticristo: “Itinalaga ka ng iglesia para palaganapin ang ebanghelyo sa kanya. Tungkulin mo ito, dapat kang pumunta!” Pagkarinig nito, wala nang magagawa ang kapatid na babae kundi sumunod, at bunga nito umiiyak siya pagkatapos ng bawat pagbisita. May kakayahan ang lider na ito na gawin ang ganoong mga bagay para atakihin at paghigantihan ang iba. Anong uri ng tao ito? Isang masamang tao. Kung babae siya, pupunta ba siya sa ganitong uri ng sitwasyon? (Hindi.) Talagang hindi. Iiwasan niya ito higit kaninuman. Nakikita niya kung sino ang hindi niya kinatutuwaan, kung sino ang madaling pagdiskitahan, kung sino ang hindi nagpaparaya sa kanya at hindi sumisipsip sa kanya, at pagkatapos ay naghahanap siya ng mga pagkakataon para magpakana laban sa mga taong ito at maghiganti sa kanila. Sabihin ninyo sa Akin, kapag may masama at buktot na intensyon ang isang tao, hindi ba’t kaya niyang gawin ang lahat ng uri ng nakakapangilabot na bagay? At paano nangyayari ang masasama at buktot na intensyong ito? Isa sa mga pangunahing dahilan ay masyadong masama at malisyoso ang kanyang ang kalikasang diwa, at ang isa pa ay wala siyang may-takot-sa-Diyos na puso. Kapag hindi nagtataglay ang mga tao ng may-takot-sa-Diyos na puso, walang bagay na hindi nila pinangangahasang gawin; hindi lang nila sasaktan ang ibang tao, kaya pa nga nilang gumawa ng mga bagay na tulad ng panghuhusga at pagkakanulo sa Diyos—ang pananakit sa mga tao ay napakadali lang para sa kanila. Hindi nila iisiping malaking bagay iyon gaano pa man nila saktan ang ibang tao; wala silang simpatiya para sa iba at napakamalisyoso nila sa kaibuturan. At ano ang layon ng anticristong ito noong itinulak niya ang batang kapatid na ito sa naglalagablab na hukay? Hindi niya ito ginawa para ipalaganap ang ebanghelyo at magkamit ng mga tao; ito ay para lang pahirapan siya. Anong uri ng mga tao ang pinapahirapan niya? Kung isa itong taong tumatalima sa kanya at sumusunod sa kanya, paparusahan niya ba ito? Hindi, hindi niya gagawin. Kaya bakit naging ganoon ang pagtrato sa kapatid na ito? (Dahil hindi ito nagparaya sa kanya.) Dahil hindi ito nagparaya sa kanya, hindi sumipsip sa kanya, hindi ginawa ang sinabi niya, o tinrato siya bilang mahalaga, bagkus ay hinamak siya, tinrato niya ito nang ganito at nasaktan ito bilang resulta. Kapag sinasaktan ng mga anticristo ang mga tao sa ganitong paraan, paano karaniwang tumutugon ang mga taong mababa ang tayog at hindi nakakaunawa sa katotohanan? Iisipin nila sa kanilang sarili: “Mas may kontrol ang mga lokal na opisyal kaysa sa mga opisyal ng estado. Sa ngayon, nasa ilalim tayo ng kontrol ng taong ito, kaya dapat nating gawin ang sinasabi niya at dapat tayong pumunta saan man niya sabihing pumunta tayo. Paano man kumikilos ang ibang mga tao ukol sa kanya, ganoon din tayo dapat kumilos sa kanya. Dapat tayong makiisa sa grupo. Dapat tayong sumipsip sa kanya gaya ng ginagawa ng ibang mga tao, at dapat gawin natin ito nang mas mabuti at mas mataman kaysa sa iba. Saka lang tayo tatantanan ng lider na ito. Hindi madaling pagserbisyuhan ang lider na ito—hindi natin siya dapat kalabanin!” At hindi ba’t ito mismo ang kinalabasang gustong makita ng anticristo? (Oo.) Dito, nakamit na niya ang layon niya. Hindi ba’t pareho rin ito sa diskarteng ginagamit ni Satanas para mang-abuso ng mga tao? (Ganoon nga.) Ano ang ipinapakita nito? Na kumakatawan kay Satanas ang mga aksyon nila. Naging paraan at kinatawan na sila ni Satanas; kumikilos sila sa ngalan nito. Ang paggawa ba ng tungkulin sa ganoong paraan ang tunay na pagganap sa isang tungkulin? Paglilingkod ba ito sa Diyos? (Hindi.) Ang ganoong mga lider ay hindi nararapat na tawaging mga lider—masasamang tao sila at mga Satanas.
Sa sandaling maging mga lider ang mga anticristo, ang unang bagay na ginagawa nila ay subukang kunin ang loob ng mga tao, hikayatin ang mga taong paniwalaan sila, pagkatiwalaan sila, at suportahan sila. Kapag sigurado na ang kanilang katayuan, nagsisimula na silang hindi maging normal. Para protektahan ang katayuan at kapangyarihan nila, sinisimulan nilang batikusin at ihiwalay ang mga hindi sumasang-ayon. Sa mga sumasalungat—partikular sa mga taong naghahangad sa katotohanan—susubukan nila ang anumang bagay, gumagamit ng matatag, eksakto at di-natitinag na mga pamamaraan para pigilan at atakihin ang mga ito, para pahirapan ang mga ito. Mapapanatag lang sila kapag napabagsak at nasiraan na nila ang sinumang nagbabanta sa katayuan nila. Ganito ang bawat anticristo. Ano ang layon nila sa paggamit ng napakaraming taktikang ito para kunin ang loob at pigilan ang mga tao? Ang layon nila ay ang magkamit ng kapangyarihan, ang mapatatag ang kanilang katayuan, ang mailihis at makontrol ang mga tao. Ano ang kinakatawan ng mga layunin at motibo nila? Gusto nilang magtatag ng sarili nilang indipendiyenteng kaharian, gusto nilang tumindig laban sa Diyos. Mas malala pa ang ganitong diwa kaysa sa tiwaling disposisyon: Lubusan nang nalantad ang mga ambisyon at mga taksil na pakana ni Satanas. Hindi lamang ito problema ng pagbubunyag ng tiwaling disposisyon. Halimbawa, kapag medyo mayabang at mapagmagaling ang mga tao, o kung minsan ay medyo mapanlinlang at nagsisinungaling, mga pagpapakita lang ang mga ito ng isang tiwaling disposisyon. Samantala, ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay para kunin ang loob ng mga tao, para batikusin at ihiwalay ang mga hindi sumasang-ayon, patatagin ang kanilang katayuan, agawin ang kapangyarihan, at kontrolin ang mga tao. Ano ang diwa ng mga aksyong ito? Isinasagawa ba nila ang katotohanan? Inaakay ba nila ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pagpasok sa mga salita ng Diyos at pagharap sa Diyos? (Hindi.) Kung gayon ano ang ginagawa nila? Nakikipagkumpitensya sila sa Diyos para sa Kanyang hinirang na mga tao, nakikipagpaligsahan para sa puso ng mga tao, at sinusubukang magtatag ng sarili nilang indipendiyenteng kaharian. Sino ang dapat na may puwang sa puso ng mga tao? Ang Diyos ang dapat na may puwang. Pero talagang kabaligtaran nito ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo. Hindi nila pinapayagan ang Diyos o ang katotohanan na magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao; sa halip, gusto nilang ang tao, ang pagkalider nila, at si Satanas ang magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao. Sa sandaling matuklasan nilang wala silang puwang sa puso ng isang tao, na hindi sila tinatratong lider ng taong ito, labis silang nagagalit, at malamang na susubukan nilang pigilan at pahirapan ito. Ang lahat ng ginagawa at sinasabi ng mga anticristo ay umiikot sa katayuan at reputasyon nila, at nilalayon nitong maging mataas ang tingin ng mga tao sa kanila, para kainggitan at sambahin sila ng mga tao—para katakutan pa nga sila ng mga tao. Gusto nilang itrato sila ng hinirang na mga tao ng Diyos na parang ang Diyos, iniisip na, “Saang iglesia man ako kabilang, dapat makinig sa akin ang mga tao, dapat nilang sundin ang mga payo ko. Sinuman ang mag-ulat sa itaas ng kung anong problema, dapat itong dumaan sa akin, pinapayagan lang silang gumawa ng mga ulat sa akin, at hindi direktang sa itaas. Kung may sinumang ‘humindi’ sa akin, paparusahan ko siya, para makaramdam ng takot, pangamba, at nginig sa kanilang puso ang lahat ng makakakita sa akin. Higit pa rito, kung magbigay ako ng utos o maggiit ng isang bagay, walang dapat mangahas na tumutol; anuman ang sabihin ko, dapat sumunod dito ang mga tao. Dapat silang lubusang makinig sa akin, dapat nila akong sundin sa lahat ng bagay, at ako dapat ang nagdedesisyon doon.” Ito mismo ang tono ng pananalita ng mga anticristo, ito ang boses ng mga anticristo, ganito sinusubukang pagharian ng mga anticristo ang mga iglesia. Kung ginagawa ng hinirang na mga tao ng Diyos ang sinasabi nila at sinusunod sila ng mga ito, hindi ba’t nagiging mga kaharian ng mga anticristo ang ganitong mga iglesia? Sinasabi nila, “Kailangan kong tingnan ang mga pagsasaayos ng gawain na ibinigay ng itaas, dapat kong akuin ang pananagutan para sa inyo, ako dapat ang sumusuri sa tama at mali, ako dapat ang magpapasya sa magiging kinalabasan. Hindi sapat ang tayog ninyo, at hindi sapat ang kwalipikasyon ninyo. Ako ang lider ng iglesia at nakadepende sa akin ang lahat.” Hindi ba’t nagiging labis na hambog ang mga taong nagsasabi ng mga bagay na ito? Talagang napakayabang nila na wala silang anumang katwiran! Hindi ba’t sinusubukan nilang magtatag ng sarili nilang indipendiyenteng kaharian? Anong uri ng mga tao ang malamang na sumubok na lumikha ng sarili nilang kaharian? Hindi ba’t mga tunay silang anticristo? Hindi ba’t ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng mga anticristo ay para protektahan ang sarili nilang katayuan? Hindi ba nila sinusubukang ilihis at kontrolin ang mga tao? Bakit sila tinawag na mga anticristo? Ano ang ibig sabihin ng “anti”? Ang ibig sabihin nito ay pagsalungat at pagkamuhi. Nangangahulugan itong paglaban kay Cristo, paglaban sa katotohanan, at paglaban sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “paglaban”? Nangangahulugan itong pagtindig sa kabilang panig, pagtrato sa iyo na parang kaaway, na para bang punong-puno ng napakalaki at malalim na pagkamuhi ang isang tao; nangangahulugan itong maging nasa lubos na pagsalungat sa iyo. Ganito ang mentalidad ng mga anticristo sa paglapit sa Diyos. Anong saloobin sa katotohanan ang mayroon ang ganitong mga tao na namumuhi sa Diyos? Nagagawa ba nilang mahalin ang katotohanan? Nagagawa ba nilang tanggapin ang katotohanan? Talagang hindi. Samakatwid, ang mga taong tumitindig bilang salungat sa Diyos ay mga taong namumuhi sa katotohanan. Ang numero unong bagay na makikita sa kanila ay pagtutol at pagkamuhi sa katotohanan. Sa sandaling marinig nila ang katotohanan o ang mga salita ng Diyos, may pagkamuhi sa puso nila, at kapag binabasa ng sinuman ang mga salita ng Diyos sa kanila, lilitaw sa mga mukha nila ang pagpapahayag ng galit at ngitngit, gaya ng kapag binabasa ang mga salita ng Diyos sa isang demonyo kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo ang mga tao. Sa puso nila, ang mga taong tutol sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan ang nakakaramdam ng pinakamatinding pagtutol sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, ang sa kanila ay saloobin ng paglaban, at umaabot pa nga sila hanggang sa kamuhian ang sinumang nagbabasa ng mga salita ng Diyos sa kanila o nagbabahagi ng katotohanan sa kanila, tinatrato pa nga nilang kaaway ang taong iyon. Nakakaramdam sila ng matinding pagtutol sa iba’t ibang katotohanan, at sa mga positibong bagay. Ang lahat ng katotohanan gaya ng pagpapasakop sa Diyos, tapat na paggawa ng mga tungkulin ng isang tao, pagiging matapat na tao, paghahanap sa katotohanan sa lahat ng bagay, at iba pa—may kaunti ba silang subhetibong paghahangad o pagmamahal? Wala, wala ni katiting. Samakatwid, dahil ganito ang kalikasang diwa nila, tumatayo na sila sa direktang pagsalungat sa Diyos at sa katotohanan. Walang duda, sa kaibuturan, hindi minamahal ng ganitong mga tao ang katotohanan o anumang positibong bagay; sa kaibuturan, nararamdaman pa nga nilang tutol sila sa katotohanan at namumuhi sila rito. Halimbawa, kailangang magawa ng mga taong nasa posisyon ng pamumuno na tanggapin ang magkakaibang opinyon ng mga kapatid nila, dapat nilang magawang buksan ang kanilang sarili at ihayag ang kanilang sarili sa mga kapatid, at magawang tanggapin ang paninisi ng mga ito, at hindi nila dapat igiit ang kanilang katayuan. Ano ang sasabihin ng isang anticristo sa lahat ng wastong paraang ito ng pagsasagawa? Sasabihin nila, “Kung nakinig ako sa opinyon ng mga kapatid, magiging lider pa rin ba ako? Magkakaroon pa rin ba ako ng katayuan at katanyagan? Kung wala akong katanyagan, anong gawain ang magagawa ko?” Ito mismo ang uri ng disposisyong tinataglay ng isang anticristo; hindi niya tinatanggap ang katotohanan kahit pa sa pinakamaliit na paraan, at kapag mas tama ang paraan ng pagsasagawa, lalo niya itong nilalabanan. Hindi niya tinatanggap na ang pagkilos ayon sa prinsipyo ay pagsasagawa ng katotohanan. Ano ba sa tingin niya ang pagsasagawa ng katotohanan? Sa palagay niya ay kailangan niyang gumamit ng pagbabalak, mga panlilinlang, at karahasan sa lahat, sa halip na sumandig sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at sa pagmamahal. Ang bawat paraan at landas niya ay buktot. Ang lahat ng ito ay ganap na kumakatawan sa kalikasang diwa ng mga anticristo. Ang mga motibo, opinyon, pananaw, at layuning madalas nilang inilalantad ay mga disposisyon lahat ng pagtutol at pagkamuhi sa katotohanan, na siyang kalikasang diwa ng mga anticristo. Ano, kung gayon, ang ibig sabihin ng pagtindig bilang pagsalungat sa katotohanan at sa Diyos? Nangangahulugan itong pagkamuhi sa katotohanan at mga positibong bagay. Halimbawa, kapag may nagsabi, “Bilang isang nilikha, dapat tuparin ng isang tao ang tungkulin ng isang nilikha. Anuman ang maaaring sabihin ng Diyos, dapat magpasakop ang mga tao, dahil mga nilikha tayo,” paano mag-isip ang isang anticristo? “Magpasakop? Hindi walang katotohanan na isa akong nilikha, pero pagdating sa pagpapasakop, depende iyan sa sitwasyon. Una sa lahat, dapat may ilang benepisyo diyan para sa akin, hindi ako dapat malagay sa alanganin, at dapat mauna ang mga interes ko. Kung may mga gantimpala o malalaking biyaya na makakamit, kaya kong magpasakop, pero kung walang mga gantimpala at walang destinasyon, bakit dapat akong magpasakop? Hindi ko kayang magpasakop.” Isa itong saloobin ng hindi pagtanggap sa katotohanan. Ang pagpapasakop nila sa Diyos ay may kondisyon, at kung hindi matugunan ang mga kondisyon nila, hindi lang sa hindi sila magpapasakop, malamang din na tumutol at lumaban sila sa Diyos. Halimbawa, hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao, pero naniniwala ang mga anticristong ito na tanging mga hangal lang ang sumusubok na maging matapat, at na hindi sinusubukan ng matatalinong tao na maging matapat. Ano ang diwa ng ganoong saloobin? Pagkamuhi ito sa katotohanan. Ganoon ang diwa ng mga anticristo, at itinatakda ng diwa nila ang landas na lalakaran nila, at itinatakda ng landas na nilalakaran nila ang lahat ng ginagawa nila. Kapag tinataglay ng mga anticristo ang kalikasang diwa ng pagkamuhi sa katotohanan at sa Diyos, anong mga uri ng mga bagay ang malamang na gawin nila? Malamang na subukan nilang kunin ang loob ng mga tao, batikusin at ihiwalay ang mga hindi sumasang-ayon, at pahirapan ang mga tao. Ang layuning sinusubukan nilang makamit sa paggawa ng mga bagay na ito ay ang humawak ng kapangyarihan, kontrolin ang mga hinirang ng Diyos, at magtatag ng sarili nilang indipendiyenteng kaharian. Dito ay walang duda. Ang sinumang tao na, kapag may katayuan na siya, ay walang kakayahang lubusang magpasakop sa Diyos, at hindi magawang sumunod sa Diyos o hangarin ang katotohanan, ay isang anticristo.
Anong uri ng mga bagay ang ginagawa ng mga anticristo habang ginagawa ang tungkulin ng mga lider? Katatapos lang nating pag-usapan ang tungkol sa kung paano nila sinusubukang kunin ang loob ng mga tao at pati na rin batikusin at ihiwalay ang mga hindi sumasang-ayon, pero may isa pang karaniwang pagpapamalas ang mga anticristo—ano ang saloobin nila sa mga naghahangad sa katotohanan? (Pagkamuhi.) At ano ang ginagawa nila dahil doon? Kinamumuhian lang ba nila ang mga taong iyon, at iyon na iyon? Hindi, naghahanap sila ng mga paraan para ibukod at pigilan ang mga ito. Binabatikos at inihihiwalay nila ang mga hindi sumasang-ayon. Ang mga hindi sumasang-ayon na ito ay posibleng mga taong medyo naguguluhan, hindi marunong sumipsip sa iba o gumamit ng mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Puwede ring mga tao silang medyo masigasig at medyo naghahanap ng katotohanan. Kaya, ano ang ikatlong teknik ng mga anticristo? Inihihiwalay at binabatikos nila ang mga naghahangad sa katotohanan. At may isa pa rin: Sinusubukan nilang makakuha ng puwang sa puso ng mga tao para sa sarili nila. Ano ang tawag dito? (Pagsakop sa puso ng mga tao.) Ito ang sinusubukan nilang maisakatuparan. Anong mga paraan ang ginagamit nila para gawin ito? (Itinataas at pinatototohanan nila ang kanilang sarili.) At ano ang mithiin ng mga anticristo sa pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili? Ito ay para sakupin ang puso ng mga tao at kontrolin sila. Anong uri ng mga bagay ang karaniwang pinag-uusapan ng mga tao kapag itinataas at pinatototohanan nila ang kanilang sarili? Ang isang bagay ay ang pag-usapan ang tungkol sa kanilang mga kwalipikasyon. Halimbawa, pinag-uusapan ng ilang tao kung paano nila pinatuloy sa bahay ang ilang matataas na lider sa iglesia. May ilan pa ngang nagsasabi, “Ang Diyos Mismo ang pinatuloy ko, at napakabait Niya sa akin—tiyak na gagawin akong perpekto.” Ano ang ibig nilang sabihin dito? (Sinusubukan nilang maging mataas ang tingin sa kanila ng mga tao.) May mithiin sila sa pagsasabi ng ganitong mga bagay. Sinasabi ng iba, “Nakasalamuha ko ang Itaas, medyo mataas ang tingin nila sa akin, at hinimok nila akong magsikap sa paghahangad ko.” Ang totoo, walang sinumang may ideya kung ano ang tingin sa kanila ng Itaas. May mga tao talagang pinapalaki ang mga bagay-bagay, at minsan ay nag-iimbento pa ng mga bagay. Hindi nila malalaman ang gagawin kung may isang grupo ng mga taong nagsama-sama para beripikahin at suriin ang kanilang mga kuwento. Maaring sabihin ng Itaas sa isang tao, “Mahusay ang kakayahan mo at may kakayahan kang makaarok. Dapat kang magsanay na isulat ang patotoo mong batay sa karanasan. Kapag may buhay karanasan ka na, puwede kang maging lider.” Ano ang implikasyon dito? Kahit na talentado ang taong ito, kailangan pa rin niyang magsanay at maranasan ang mga bagay-bagay nang ilang panahon. Kapag nagmalaki at nagyabang ang taong iyon bago pa makapagsanay o magkaroon ng karanasan, ano ang kalikasan nito? Nagiging mapagmataas at palalo siya, at nawala na siya sa katwiran, hindi ba? Kahit na sabihin ng kapatid sa Itaas na nagtataglay ng kakayahan ang taong ito at na talentado siya, panghihikayat lang ito sa kanya o pagbibigay sa kanya ng ebalwasyon. Ano ang layunin ng taong iyon sa pag-iikot at pagyayabang nang ganito? Ito ay para maging mataas ang tingin sa kanya ng mga tao, para sambahin siya ng iba. Ang sinasabi niya ay, “Tingnan mo—mataas ang tingin sa akin ng kapatid sa Itaas, kaya bakit ikaw ay hindi? Ngayong sinabi ko na sa ito iyo, dapat mataas na rin ang tingin mo sa akin.” Ito ang layuning gusto nilang makamit. May mga nagsasabi rin, “Dati akong lider. Lider ako ng isang rehiyon, isang distrito, isang iglesia—patuloy akong bumaba nang bumaba sa hagdan, at umakyat nang umakyat ng mga baitang—ilang beses na akong itinaas at ibinaba ng posisyon. Kalaunan, naantig ang Langit sa sinseridad ko, at ngayon, isa na naman akong mataas-na-antas na lider. At hindi ako kailanman naging negatibo.” Kapag tinanong mo sila kung bakit hindi sila kailanman nakaramdam ng pagiging negatibo, sasagot sila, “May pananalig akong sa kalaunan, ang tunay na ginto ay nakatadhanang kuminang kalaunan.” Ito ang konklusyon na kinauwian nila. Ito ba ang katotohanang realidad? (Hindi.) Kung gayon ano ito, kung hindi ito ang katotohanang realidad? Isa itong kakaibang teorya; puwede rin nating sabihing isa itong panlilinlang. Ano ang posibleng kahihinatnan ng pagsasalita nila nang ganito? Maaaring sabihin ng ilang tao, “Talagang hinahangad ng taong ito ang katotohanan. Hindi siya naging negatibo matapos itaas at ibaba ang kanyang posisyon nang maraming beses. At ngayon, ginawa na siyang lider ulit—talagang kumikinang nga ang tunay na ginto. Kaunting panahon na lang bago siya magawang perpekto.” Hindi ba’t ito ang nilalayon ng taong ito? Ang totoo, ito mismo ang nilalayon niya. Paano man nagsasalita ang mga anticristo, iyon ay laging para maging mataas ang tingin sa kanila at sambahin sila ng mga tao, para sumakop sila ng isang partikular na puwang sa puso ng mga ito, at pumalit pa nga sa lugar ng Diyos doon—ito ang lahat ng layong nais makamtan ng mga anticristo kapag nagpapatotoo sila tungkol sa kanilang sarili. Kapag ang nag-uudyok sa sinasabi, ipinapangaral, at ibinabahagi ng mga tao ay para maging mataas ang tingin sa kanila at sambahin sila ng iba, ang gayong pag-uugali ay pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili, ginagawa ito para magkaroon sila ng puwang sa puso ng iba. Bagama’t hindi lubos na pare-pareho ang mga paraan ng pagsasalita ng mga taong ito, humigit-kumulang, may epekto ang mga ito na nagpapatotoo sa kanilang sarili at naghihikayat sa iba na sambahin sila. Sa magkakaibang antas, ang ganoong mga pag-uugali ay umiiral sa halos lahat ng lider at manggagawa. Kung umabot sila sa isang partikular na punto, ang punto kung saan hindi nila mapigil ang kanilang sarili at nahihirapan silang pigilan ang mga sarili nila, at may kinikimkim silang isang partikular na malakas at malinaw na layunin at mithiin, gustong hikayatin ang mga tao na ituring silang parang sila ay Diyos o isang diyus-diyosan, at dahil doon ay makamtan nila ang layon nilang pigilan at kontrolin ang iba, at mahikayat ang ibang tao na sundin at sambahin sila, ang likas na katangian ng lahat ng ito, kung gayon, ay pagtataas at pagpapatotoo tungkol sa kanilang sarili, at may katangian ng mga anticristo rito. Anong kaparaanan ang karaniwang ginagamit ng mga tao para itaas at patotohanan ang kanilang sarili? (Pinag-uusapan nila ang tungkol sa kapital.) Ano ang kabilang sa pag-uusap tungkol sa kapital? Pag-uusap kung gaano katagal na silang naniniwala sa Diyos, gaano na sila nagdusa, gaano kalaki na ang naisakripisyo nila, gaano karaming trabaho na ang kanilang nagawa, gaano kalayo na ang kanilang nalakbay, pati na rin kung ilang tao na ang kanilang natamo at gaano kalaking kahihiyan na ang kanilang natiis sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Madalas ding talakayin ng ilang tao kung ilang beses na silang naaresto at nabilanggo nang hindi ipinagkakanulo ang iglesia o ang mga kapatid, naninindigan sa kanilang patotoo, at iba pa; nabibilang ang lahat ng bagay na ito sa pagtalakay tungkol sa kapital. Sa pagkukunwaring paggawa sa gawain ng iglesia, nagsasagawa sila ng sarili nilang proyekto, pinatitibay nila ang kanilang katayuan, nagtatatag sila ng mabuting impresyon ng sarili nila sa puso ng mga tao. Kasabay nito, ginagamit nila ang lahat ng pamamaraan at panloloko para makuha ang loob ng mga tao, umaabot pa nga sa sukdulang inaatake at ibinubukod nila ang sinumang may ibang mga pananaw kaysa sa kanila, partikular na, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para ibukod at pigilan ang mga naghahanap ng katotohanan at sumusunod sa mga prinsipyo. At tungkol naman sa mga taong hangal at ignorante, walang alam at naguguluhan sa kanilang pananalig, gayundin iyong mga nananampalataya pa lamang sa Diyos sa loob ng maikling panahon, at iyong mga may mababang tayog, anong mga pamamaraan ang ginagamit nila sa mga taong ito? Nililihis, ineengganyo at binabantaan pa nila ang mga iyon, gamit ang mga estratehiyang ito para makamtan ang kanilang layon na patibayin ang kanilang katayuan. Taktikang lahat ito ng mga anticristo.
Madalas mangyari ang uri ng bagay na ito sa mga iglesia: Nakikinig ang ilang kapatid sa mga sermon at pagbabahaginan kung saan sinasabi ng nasa Itaas na kung ang isang lider o manggagawa ay gumagawa ng isang bagay na labag sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, mayroong karapatan ang mga hinirang ng Diyos na isumbong ito. Matapos marinig ito at mahiwatigan na nagtatrabaho ang isang lider sa kanilang iglesia sa isang paraan na hindi naaayon sa mga pagsasaayos ng gawain, magpapasya ang ilan sa kanila na gusto nilang isumbong ang lider. Pagkatapos, matutuklasan ng lider ang tungkol dito, at iniisip niya sa kanyang sarili, “Lumalabas na may mga tao pa ring makapal ang apog na isumbong ako. Ang kapal ng mukha nila! Sino ang mga taong ito?” Kasunod nito, nag-iimbestiga siya sa bawat isa sa ilang dosenang miyembro ng iglesia. Hanggang saan siya umaabot sa pag-iimbestigang ito? Tinitingnan niya ang edad ng bawat isa, gaano katagal na sila naniniwala sa Diyos, anong mga tungkulin na ang nagampanan nila noon, ano ang kasalukuyan nilang mga tungkulin, sino ang mga nakakaugnayan nila, magagawa ba nilang makipag-ugnayan sa nasa Itaas o hindi, at iba pa. Tinitingnan niya ang lahat ng ito, pinaghihirapan ito nang husto. Kapag natapos na ang kanyang masusing pag-iimbestiga, matutuklasan niya na mukhang kahina-hinala ang dalawa o tatlong tao, kaya sa susunod na pagtitipon, magbibigay ng sermon ang lider na partikular na pumupuntirya sa bagay na ito. Sasabihin niya, “Kailangang magkaroon ng konsensiya ang mga tao. Sa pananalig mo sa diyos, sino na ang umakay sa iyo hanggang ngayon? Nauunawaan mo na ngayon ang napakaraming katotohanan; kung hindi ako nagdaos ng mga pagtitipon at pagbabahaginan kasama mo, mauunawaan mo ba ang mga katotohanang ito? Nagpapasok na ang ating iglesia ng napakaraming tao sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo sa kanila, at napakalaki na ng iniunlad ng ating gawain sa ebanghelyo. Kung wala ako rito para pamahalaan ito, maaari kaya ninyong mapapasok ang sinuman? Sino ba ang kailangan ninyong pasalamatan para sa lahat ng pag-unlad na ito?” Pinag-iisipan itong mabuti ng ilang tao at iniisip, “Ang Diyos ang Siyang dapat kong pasalamatan; ano na ang mga naiambag ng tao?” Ngunit nagpatuloy ang lider, na nagsasabing, “Kung hindi ko binitbit ang mga aklat na ito ng mga salita ng diyos para sa inyo, mahahawakan ba ninyo ang mga ito? Kung hindi ako nag-organisa ng mga pagtitipon, magagawa ba ninyong magtipon-tipon? Kailangang magkaroon ng konsensiya ang mga tao! Kaya, kung mayroon kayong konsensiya, ano ang dapat ninyong gawin? Kapag paminsan-minsang nakakagawa ng maliit na pagkakamali ang lider mo, hindi mo ito dapat masinsinang imbestigahan. Sa pananamantala sa kanilang mga pagkukulang at pagtangging bitiwan ang mga ito, sinusubukan mo bang maghimagsik laban sa kanya? Kung may mangyaring maliit na bagay, dapat natin itong panloob na pangasiwaan. Ano ang punto ng paghahain ng isang ulat? Ang mga taong nag-uulat ng mga usapin ay walang kakayahan at mababa ang tayog. Naaangkop bang iulat ang lahat sa itaas? Paano magkakaroon ng oras ang itaas na lutasin ang ganoong mga problema? Kung dapat malutas ang mga ito, ang mga lider ng iglesia ang dapat lumutas sa mga ito. Hindi ba puwedeng pag-usapan ang mga bagay-bagay sa likod ng mga saradong pinto? Kailangan mo bang iulat ang lahat sa itaas? Hindi ba’t makakaabala lang ito sa itaas? Makinig ka, kung may iuulat ka sa akin, kalmado at mahinahon akong maghahanap ng solusyon nang hindi ka pinupungusan. Pero alam mo ba kung ano ang magiging saloobin ng itaas kung iuulat mo ito sa kanila? Hindi dapat biru-biruin ang itaas—para silang mga leon at agila. Makakaabot ba sa lebel nila ang mga taong may mababang tayog gaya natin? Walang magandang mangyayari sa pag-uulat mo ng problema sa itaas; tiyak na sasailalim ka sa pagpupungos. Maraming beses na itong nangyari sa akin; paano ito magagawang harapin ng isang taong kasingbaba ng tayog mo? Baka tumigil ka pa nga sa pananampalataya, at sino ang magpapasan ng mga kahihinatnan niyon? Kung gusto mong mag-ulat ng isang bagay, ikaw ang magpapasan ng mga kahihinatnan. Kapag dumating ang panahon at mapungusan ka at maging negatibo at mahina, huwag kang lumapit sa akin para sisihin ako. Kung gusto mong maghain ng ulat, hindi kita pipigilan. Sige at gawin mo ito; titingnan ko kung sino ang nag-uulat nito!” May sinuman bang mangangahas na maghain ng ulat kung nananakot ang lider na ito? (Wala.) Gusto ng ilang tao, pero masyado silang matatakot na mag-ulat. Hindi ba’t walang silbi ang mga taong ito? Ano ang kinatatakutan nila? Paanong sobra silang natakot ng lider? Kahit na gusto pa silang pahirapan ng lider na iyon hanggang kamatayan, wala sa mga kamay ng lider na iyon ang kanilang buhay; paano mangangahas ang lider na iyon na pahirapan sila nang walang pahintulot ng Diyos? Pagkatapos ng ilang mapanakot na salita mula sa lider na iyon, may mga tao talagang masyadong matatakot para maghain ng ulat; iisipin nila sa kanilang sarili, “Hindi mahagilap ang Diyos. Haharapin ba ng Itaas ang lider kung maghahain ako ng ulat? Paano kung hindi nila gawin—gagantihan ba ako ng lider? Magagawa ko pa rin ba ang tungkulin ko nang normal? Hindi dapat ako maghain ng ulat kung gayon. Bukod pa rito, walang kinalaman sa akin ang usaping ito. Wala nang iba pang nag-ulat nito, kaya bakit ko ito dapat iulat?” Aatras sila, na hindi mangangahas na maghain ng ulat. Maaari bang magpakita ng awa ang isang anticristo sa ganoong mga tao? (Hindi.) Ano ang gagawin niya sa mga ito? Kapag natiyak na niya kung sino ang nagbabalak na iulat siya, kung sino ang hindi nakikiisa sa kanya, magsisimula siyang mag-isip: “Palagi kang may binabalak; palagi mong gustong maglabas ng matatayog na ideya; palagi kang nagbabalak na gumawa ng gulo, palaging gustong iulat ang mga isyu ko—sobra na ito! Naghahanap ka ng pagkakataong makausap ang itaas para maiulat mo ang sitwasyon ko sa kanila. Ngayon, umaatras ka, hindi ka nangangahas na gawin ito; pero malay natin, kung makahanap ka ng tamang pagkakataon, baka iulat mo pa rin ako. Naku, yari ka sa akin!” Kaya, hahanap ang anticristo ng mga pagdadahilan at pagkakataon para hamakin ang mga taong iyon, para ayawan sila ng mga kapatid. Pagkatapos ay mag-iisip sila ng lahat ng klase ng paraan para bulagain ang mga ito, para gumawa ng gulo para sa kanila at dungisan ang kanilang mga reputasyon. At ano ang iisipin ng mga taong iyon sa kanilang sarili pagkatapos? “Kakila-kilabot ito! Sinuway ko ang lider, pikit-mata kong sinubukang iulat siya, at ngayon pinagdurusa ako. Dapat kong tandaan ang leksyong ito: Hindi ko talaga dapat salungatin ang lider! Sa ngayon, ang lider na ito ang siyang nasusunod. Kung sasabihin niyang ‘silangan,’ hindi ko puwedeng sabihing, ‘kanluran’; kung sasabihin niyang, ‘isa,’ hindi ko puwedeng sabihing, ‘dalawa.’ Dapat kong gawin ang anumang sabihin sa akin ng lider. Lubos na hindi ako dapat makipag-ugnayan sa Itaas para mag-ulat ng mga problema. Talagang malubha ito! Pinagdurusa ako ng lider, at hindi ito alam ng Itaas—sino ang titindig para sa akin? Gaya ng sinasabi nila, ‘Mas may kontrol ang mga lokal na opisyal kaysa sa mga opisyal ng estado!’” Naging negatibo na ang mga taong ito. Hindi sila naniniwalang naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos, lalong hindi na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay. Nasa puso pa rin ba nila ang Diyos? Hindi, wala sa puso nila ang Diyos. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos, gusto nilang mag-ulat ng problema pero takot sila sa masamang taong iyon, wala silang pagkilatis sa masasamang puwersa o kung anuman, pinagdusa sila ng masamang taong iyon sa lugar kung saan sila may hawak na kapangyarihan, at sila ay naging mga walang silbi. Dati silang may kaunting pagpapahalaga sa katarungan, na isang kanais-nais na katangian, pero dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan at hindi nila alam kung paano kumilos ayon sa mga prinsipyo, dinurog sila ng masamang taong iyon, huwad na lider, at anticristo, sa puntong tuluyan na silang nawalan ng pananalig; hindi nila alam kung paano sumandig sa Diyos para hanapin ang katotohanan o kumilos batay sa karunungan. Ngayon naging takot sila at mahiyain kapag nakakakita sila ng anticristo. Gaano sila katakot? Iniisip nila, “Humahawak ng kapangyarihan ang masasamang tao sa mundong ito. Kahit nasaan man akong grupo, dapat akong magpakabait. Wala ako ng ganoong uri ng bangis at lakas ng loob, kaya saan man ako magpunta, dapat maluwag sa loob kong magtiis ng masamang pagtrato at maluwag sa loob na sumunod sa iba—dapat ko silang tratuhin na parang mga ninuno ko. Kung sasabihin nilang, ‘silangan,’ hindi ko puwedeng sabihing, ‘kanluran.’ Hindi ako puwedeng magsabi ng magkakaibang opinyon, hindi ako puwedeng maghain ng mga ulat tungkol sa mga isyu ng ibang tao, at hindi ako puwedeng makialam sa mga usapin sa buhay ng ibang tao. Puwede lang akong tumuon sa pananampalataya sa Diyos. Hindi ko dapat salungatin ang mga lider at manggagawa, sundin ang mga katotohanang prinsipyo, hangarin ang liwanag, o mahalin ang katarungan—walang liwanag o katarungan sa mundong ito. Tututok na lang ako sa pagtitiyaga hanggang sa huli, at aalalahanin saan man ako magpunta sa hinaharap na palaging unahing panatilihin ang kapayapaan!” Ito ang naabot nilang konklusyon. Hindi ba’t sinaktan sila ng anticristong iyon? (Oo.) Ano ang nagkukumpirma nito? Matapos mapigilan ng anticristong iyon, talagang nabaliw na sila sa takot, masyado silang takot magsalita o gumawa ng anumang bagay. Nawalan na sila ng tunay na pananalig at hindi na nila tapat na ginagawa ang mga tungkulin nila; sa puso nila, namatay na ang maliit na apoy ng kanilang pagmamahal para sa hustisya; tuluyan na silang natalo at nabugbog ng anticristong iyon. Hindi ba’t mga wala silang silbi? Hindi ba’t mga duwag sila? (Oo.) Paano ninyo masasabi? Kung tatanungin mo sila, “Kumusta si ganito-at-ganyan sa iglesia ninyo?” sasagot sila, “Puwede na.” Kung sasabihin mo, “At paano iyong bagong lider ng iglesia na pinili ninyong lahat; kilala mo ba siya?” sasagot sila, “Hindi ko siya masyadong kilala.” Kung tatanungin mo, “Kumusta ang buhay iglesia roon ngayon? May sinuman bang nagdudulot ng mga kaguluhan?” sasabihin nila, “Ayos naman, maganda naman ang takbo.” Anuman ang itanong mo sa kanila, isasagot lang nila ang kaunting salitang ito. Hindi ba’t dahil ito sa natakot na sila? Bakit ganito sila katakot? Ito ay dahil hindi nila alam ang katuwiran ng Diyos; hindi nila makita ang kabuktutan, kalupitan, kawalang-habag, at kadiliman ni Satanas; hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng paghahari ng katotohanan, ni kung anong kahalagahan mayroon ito—at kaya natatakot sila. Samakatwid, anuman ang itanong mo, ang sagot nila ay magiging hindi tiyak at malabo; hindi ka makakakuha ng sagot tungkol sa kung ano talaga ang nangyayari sa iglesia mula sa kanila, o malalaman kung ano talaga ang iniisip nila sa kaibuturan. Labis nilang ikinukubli ang sarili nila, na hindi ka na makakasiguro kung ano ang sinasabi nila. Wala silang sasabihin tungkol sa mga problemang umiiral sa iglesia, o kung kumusta ang mga lider at manggagawa, at wala kang malalamang kahit na ano tungkol sa mga paghihirap na kinakaharap ng hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi mo malalaman ang alinman dito—makikipag-usap lang sila sa iyo sa ganitong paraan. At anong mararamdaman mo habang nakikinig ka sa kanila? Mararamdaman mong may nasa pagitan ng puso ninyong dalawa. Ang takbo ng isip nila ay: “Huwag mong hangaring may anumang malaman tungkol sa akin, ayaw kong magbunyag sa iyo ng anumang impormasyon o kung ano talaga ang nangyayari. Lumayo ka sa akin; kung susubukan mong alamin mula sa akin kung ano ang nangyayari sa iglesia, puwes, sinusubukan mong ipahamak ako at guluhin ang kasalukuyan kong kapaligirang pinapamuhayan, nakagawian, at sitwasyon. Huwag kang makialam sa anumang aspekto ng buhay ko; hayaan mong ako mismo ang humarap sa mga bagay na ito.” Natatakot silang pagdurusahin sila ng anticristo o maghihiganti ito sa kanila, at natatakot silang iulat ang anumang problema tungkol sa kanilang iglesia. Hindi ba’t pagsuko ito sa anticristong iyon? Hindi ba’t nalinlang at nakontrol sila ng anticristong iyon? (Oo.) At natutuwa ang anticristong iyon na makita ito. Nagpahirap sila ng mga tao sa puntong hindi na nangangahas ang mga ito na iulat ang mga isyu nila, kaya may mahigpit silang kontrol sa iglesia. Maraming tao ba sa iglesia ang kinokontrol ng isang anticristo sa ganitong paraan? Kayo ba mismo ay may pinigilan nang mag-ulat ng isang isyu? Maaaring nagawa na ninyo pero hindi ninyo ito alam, o maaaring gawin ninyo sa hinaharap. Kaya, maituturing bang problema ang mga taong nakukuha ang loob at nakokontrol ng mga anticristo? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao: “May ilang partikular na tao sa iglesia na takot sa isang anticristo, pero hindi sila naniniwala sa anticristong iyon o sumusunod sa anticristong iyon, at lalong hindi nila pinagseserbisyuhan ang anticristong iyon. Medyo nalimitahan lang kasi sila ng anticristong iyon, at naudlot ang pagpasok nila sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Bakit Mo sinasabing problema ito?” Sa isang banda, sa pagtingin sa mga pamamaraang ginagamit ng mga anticristo para kunin ang loob at kontrolin ang mga tao, dapat magawa mong makita na ang kanilang kalikasang diwa ay ang diwa ni Satanas; mapanlaban ito sa katotohanan at sa Diyos. Gustong makipagkumpitensya ng mga anticristo sa Diyos para sa mga tao, na makipagpaligsahan para sa Kanyang hinirang na mga tao. Sa isa pang banda, ang mga kaparaanan at pamamaraan ng pagpapatakbo ng mga anticristo ay maaari talagang magkaroon ng epekto sa mga taong hangal, ignorante, lito, at hindi nakakaunawa sa katotohanan. Puwede talagang malihis ng mga anticristo ang mga taong iyon, pigilan ang sarili nila sa ilalim ng kontrol ng mga anticristo, at pilitin silang kumonsulta sa mga anticristo at sumunod sa mga ito sa lahat ng bagay. Hindi lang pinapatikom ng mga anticristo ang bibig ng mga taong ito; kinokontrol din nila ang kilos ng mga ito, iniimpluwensiyahan ang mga kaisipan at ideya ng mga ito, at naaapektuhan ang direksyong nilalakaran ng mga ito. Ito ang mga epekto at kahihinatnang idinudulot ng mga kilos ng mga anticristo sa mga hangal at ignorante.
Ngayon lang tinalakay Ko ang tungkol sa iba’t ibang katotohanang nauugnay sa paggawa ng tungkulin ng isang lider o manggagawa. Isiniwalat Ko rin ang ilang partikular na isyung tinataglay ng mga lider at manggagawa, na pangunahing nakatuon sa mga pagpapamalas ng pinakamalalang klase ng tao—at aling uri ng tao iyon? (Mga anticristo.) Ano ang isang karaniwang pagpapamalas na mayroon ang lahat ng anticristo? Sinusubukan nilang agawin ang kapangyarihan para sa sarili nila at kontrolin ang iglesia. Nalalampasan ng paghahangad nila sa kapangyarihan ang lahat ng iba pang bagay; ang kapangyarihan ang kanilang buhay, kanilang ugat; ito ang tema, ang direksyon, at ang layon kung saan umiikot ang lahat ng ginagawa nila sa buhay. Samakatwid, ang mga kilos ng mga anticristo at ang mga disposisyong ibinubunyag nila ay kaparis ng mga taktikang ginagamit ni Satanas para ilihis, kunin ang loob, at kontrolin ang mga tao. Masasabing ang lahat ng ginagawa ng ganitong uri ng tao ay ginagawa siyang walang iba kundi labasan, sagisag, at pagpapahayag ni Satanas; ang pangunahing layon ng bawat kilos nila at ng lahat ng pag-uugali nila ay ang magtaglay ng kapangyarihan. At sino ang sinusubukan nilang kontrolin? Ito ay ang mga taong pinamumunuan nila, na mga tagasunod ng Diyos, ito ay ang mga taong nasa ilalim ng saklaw ng kanilang kapangyarihan, na nagagawa nilang makontrol. Kanina, pinag-usapan din natin ang mga diskarte na ginagamit ng mga anticristo para kontrolin ang mga tao. Ang una ay ang kunin ang loob ng mga tao; ang ikalawa ay batikusin at ihiwalay ang mga hindi sumasang-ayon; ang ikatlo ay ihiwalay at batikusin ang mga naghahangad ng katotohanan; ang ikaapat ay ang patuloy na itaas at patotohanan ang kanilang sarili; at ang ikalima ay ilihis, akitin, pagbantaan, at kontrolin ang mga tao. Ang lahat ng limang pangunahing pagpapamalas na ito ay mga karaniwang teknik at paraang ginagamit ng mga anticristo para magtamo ng kapangyarihan, at magtaglay at magkontrol ng mga tao. Ito ang malalawak na kategorya. Sunod, hihimayin natin at magbabahagi tayo tungkol sa malalawak na kategoryang ito nang mas detalyado.
Isang Paghihimay Kung Paano Sinusubukan ng mga Anticristo na Kuhain ang Loob ng mga Tao
A. Pang-aakit sa mga Tao Gamit ang Maliliit na Pabor
Ang unang diskarte na ginagamit ng mga anticristo para kontrolin ang mga tao ay ang pagkuha sa loob nila. Gaano karaming paraan ang mayroon para kunin ang loob ng mga tao? Isang paraan ay ang akitin sila gamit ang maliliit na pabor. Minsan nagbibigay ang mga anticristo ng magagandang bagay sa mga tao, minsan ay pinupuri nila ang mga ito, minsan naman ay nagbibigay sila ng maliliit na pangako sa mga ito. At kung minsan, nakikita ng mga anticristo na ang ilang tungkulin ay makakapagbigay-kakayahan sa mga tao para bumida, o na iniisip ng iba na ang mga tungkuling ito ay makakapagdala ng bentahe sa sinumang gagawa ng mga ito at makakapagdulot para igalang ng lahat ang mga ito, at itinatalaga nila ang mga tungkuling ito sa mga gusto nilang makuha ang loob. Maraming bagay ang kasama sa “maliliit na pabor”: Minsan mga materyal na bagay ang mga ito; minsan ang mga ito ay mga bagay na hindi nahahawakan; minsan matatamis na salita ang mga ito na gustong marinig ng mga tao. Halimbawa, nagiging mahina ang isang tao kapag may nangyayari sa kanya, at nawawalan siya ng motibasyon sa kanyang tungkulin, at kapag inihahambing niya ang kahinaang ito laban sa mga salita ng Diyos, napapagtanto niyang kawalan ito ng katapatan sa Diyos, kawalan ng kagustuhang gawin ang kanyang tungkulin, kawalan ng tunay na pagpapasakop, at nakakaramdam siya ng labis na pagsisisi. Kapag nakita ito ng isang lider, maaari niyang sabihin, “Mababa lang ang tayog mo. Hindi titingnan ng diyos ang bagay na ito sa ganoong paraan. Maikling panahon ka pa lang nananampalataya. Wala kang masyadong aasahan sa sarili mo. Nangangailangan ng oras ang ganitong uri ng bagay—hindi mo ito puwedeng madaliin. Hindi malaki ang hinihingi ng diyos sa mga tao, at para sa iyo, isang tao na maikling panahon pa lang na nananampalataya sa kanya, normal kung minsan ang pagiging medyo mahina at hindi mo ito dapat ipag-alala.” Ang ibig sabihin nito ay walang dapat ipag-alala sa pagiging mahina, hindi gaanong dapat mag-alala sa patuloy na pagiging mahina, at na normal na pagiging negatibo ang lahat ng ito, at hindi ito naaalala ng Diyos. May ilang taong sobrang sentimental, at palagi silang napipigilan ng kanilang mga damdamin kapag ginagawa ang kanilang tungkulin, at sinasabi ng lider nila, “Dahil ito sa mababa mong tayog, ayos lang ito.” May ilang tao na tamad at hindi tapat sa kanilang tungkulin, pero hindi sila sinasaway ng lider nila, sa halip, nagsasabi sila ng mga bagay na masarap pakinggan at gustong marinig ng mga taong iyon sa bawat pagkakataon para palugurin ang mga ito at matawag silang mabuti ng mga ito, at para ipakita sa mga ito kung gaano sila kamaunawain at kamapagmahal. Iniisip ng mga taong iyon, “Ang lider namin ay parang mapagmahal na ina. Tunay siyang may pagmamahal sa amin—talagang kinakatawan niya ang Diyos. Talagang galing siya sa Diyos!” Ang hindi hayagang sinasabing implikasyon dito ay na kaya ng lider nilang magsilbing tagapagsalita ng Diyos, na kaya niyang kumatawan sa Diyos. Ito ba ang layon ng lider na ito? Hindi siguro iyon ganoon kalinaw, pero maliwanag ang isa sa mga layon niya: Gusto niyang sabihin ng mga tao na napakagaling niyang lider, isinasaalang-alang ang iba, nakikisimpatya sa mga kahinaan ng mga tao, at lubos na maunawain sa puso ng mga ito. Kapag nakikita ng isang lider ng iglesia ang mga kapatid na pabasta-bastang gumagawa ng kanilang mga tungkulin, maaaring hindi niya sawayin ang mga ito, kahit na dapat. Kapag malinaw niyang nakikita na naaapektuhan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi siya nakikialam dito o nagtatanong, at hindi siya nagdudulot ng kahit kaunting sama ng loob sa iba. Sa katunayan, hindi talaga siya nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa kahinaan ng mga tao; sa halip, ang intensyon at layon niya ay ang makuha ang loob ng mga tao. Alam na alam niya na: “Basta’t ginagawa ko ito at hindi ako nagdudulot ng sama ng loob kanino man, iisipin nilang mabuti akong lider. Magkakaroon sila ng maganda at mataas na pagtingin sa akin. Sasang-ayunan nila ako at magugustuhan nila ako.” Wala siyang pakialam kung gaano kalaking pinsala ang nagawa sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o kung gaano kalaking mga kawalan ang naidulot sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos, o kung gaanong labis na nagambalaang buhay iglesia niya, patuloy lang siya sa kanyang satanikong pilosopiya at hindi nagdudulot ng sama ng loob sa sinuman. Walang anumang paninisi sa sarili sa puso niya. Kapag may nakita siyang isang taong nagdudulot ng mga pagkagambala at panggugulo, sa pinakahigit ay maaari niya itong kausapin tungkol dito, paliliitin ang isyu, at pagkatapos ay hindi na niya ito pakikialaman. Hindi siya magbabahagi tungkol sa katotohanan, o tutukuyin ang diwa ng problema sa taong iyon, lalong hindi niya hihimayin ang kalagayan niyon, at hindi siya kailanman magbabahagi tungkol sa kung ano ang mga layunin ng Diyos. Hindi kailanman inilalantad o hinihimay ng isang huwad na lider ang mga pagkakamaling kadalasang ginagawa ng mga tao, o ang mga tiwaling disposisyong madalas ibinubunyag ng mga ito. Wala siyang nilulutas na anumang totoong mga problema, kundi sa halip ay palaging kinukunsinti ang mga maling gawi at pagpapakita ng katiwalian ng mga tao, at gaano man kanegatibo o kahina ng mga tao, hindi niya ito sineseryoso. Nangangaral lang siya ng ilang salita at doktrina at nagsasabi ng ilang salita ng panghihikayat para harapin ang sitwasyon sa isang pabasta-bastang paraan, sinusubukang panatilihin ang pagkakasundo. Dahil dito, hindi alam ng mga hinirang ng Diyos kung paano pagnilayan at kilalanin ang kanilang sarili, walang solusyon sa anumang ibinubunyag nilang mga tiwaling disposisyon, at namumuhay sila sa gitna ng mga salita at doktrina, kuru-kuro at imahinasyon, nang walang anumang buhay pagpasok. Naniniwala pa sila sa kanilang puso na, “Mas malawak pa nga ang pang-unawa ng aming lider sa mga kahinaan namin kaysa sa Diyos. Masyadong maliit ang aming tayog upang makatugon sa mga hinihingi ng Diyos. Kailangan lang naming tuparin ang mga hinihingi ng aming lider; sa pagpapasakop sa aming lider, nagpapasakop kami sa Diyos. Kung dumating ang araw na tanggalin ng Itaas ang aming lider, magsasalita kami upang marinig; upang mapanatili ang aming lider at mapigilang tanggalin siya, makikipagkasundo kami sa Itaas at pipilitin silang sumang-ayon sa mga hinihingi namin. Ganito namin gagawin ang tama para sa aming lider.” Kapag ang mga tao ay may ganoong mga saloobin sa kanilang puso, kapag nakapagtatag na sila ng ganoong relasyon sa lider nila, at nagkaroon na ng ganitong uri ng pagdepende, pagkainggit, at pagsamba sa puso nila para sa kanilang lider, magkakaroon sila ng higit pang pananalig sa lider na ito, at palagi nilang gustong makinig sa mga salita ng lider, sa halip na hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos. Ang gayong lider ay halos pumalit na sa puwang ng Diyos sa puso ng mga tao. Kung ang isang lider ay handang mapanatili ang ganoong relasyon sa mga taong hinirang ng Diyos, kung nakakaramdam siya ng kasiyahan dito sa puso niya, at naniniwala siyang dapat lang siyang tratuhin nang ganito ng mga taong hinirang ng Diyos, kung gayon ay walang pinagkaiba ang lider na ito kay Pablo, nakatapak na siya sa landas ng isang anticristo, at nailihis na ng anticristong ito ang mga hinirang ng Diyos, at talagang wala silang pagkakilala. Sa katunayan, hindi tinataglay ng lider na iyon ang katotohanang realidad, at wala talaga sa puso niya ang tungkol sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kaya lang niyang mangaral ng mga salita at doktrina, at panatilihin ang kanyang relasyon sa iba. Magaling siyang magpakitang-gilas gamit ang mga mapagpaimbabaw na pamamaraan, ang mga salita at kilos niya ay naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, at sa gayon ay naililihis niya ang mga tao. Hindi niya alam kung paano magbahagi ng katotohanan o kilalanin ang sarili niya, at ginagawa nitong imposible para sa kanyang akayin ang iba sa katotohanang realidad. Gumagawa lang siya para sa reputasyon at katayuan, at nagsasabi lang siya ng mga salitang masarap pakinggan na nanlilinlang sa mga tao. Nakamit na niya ang epekto ng pang-uudyok na sambahin at tingalain siya ng mga tao, at lubha niyang naapektuhan at naantala ang gawain ng iglesia at ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi ba’t isang anticristo ang taong tulad nito? Kumikilos ang ilang tao sa parehong paraan gaya ng mga anticristo, pero kapag nakita nilang nabunyag ang isang anticristo, nagagawa nilang ikumpara ang sarili nila sa anticristong iyon. Pakiramdam nila ay landas din ng mga anticristo ang landas na tinatahak nila, na dapat nilang rendahan ang sarili nila mula sa bingit ng trahedya at agad na humingi ng tawad sa Diyos, at tigilan ang pagtuon sa personal nilang katayuan at imahe; iniisip nilang dapat nilang itaas at patotohanan ang Diyos sa lahat ng bagay, at hikayatin ang mga tao na magkaroon ng puwang sa puso nila para sa Diyos, at dakilain Siya—pakiramdam nila ay doon lang magkakaroon ng tunay na kapayapaan sa kanilang puso. Tanging ang tao lang na gumagawa nito ang siyang nagmamahal at kayang tumanggap sa katotohanan. Kung ang isang tao ay may diwa ng isang anticristo, makakaramdam din siya ng pagkabalisa sa kanyang puso kapag makakarinig siya ng mga salitang naglalantad sa mga anticristo, pero hindi niya magagawang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, o buksan at ilantad ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Ipinapakita nitong hindi niya kayang tanggapin ang katotohanan at imposible para sa kanya ang tunay na pagsisisi. Magpapatuloy siya sa paggigiit sa kanyang katayuan, tinatamasa ang mga benepisyo ng katayuan, at tinatamasa ang pagsamba at pagtingala sa kanya ng hinirang na mga tao ng Diyos. Idinudulot nitong lumihis mula sa tunay na landas at sa mga salita ng Diyos ang mga taong nailihis na niya; umiiwas sila sa Diyos at sumusunod na lang sa taong iyon. Pero hindi talaga nagninilay sa sarili niya ang taong iyon. Walang kamalay-malay na nahulog na siya sa panganib, medyo mataas pa rin ang tingin niya sa sarili niya, at patuloy niyang inililihis at kinukuha ang loob ng iba. Hangga’t pinakikinggan ng mga tao ang sinasabi niya at sinusunod siya, gaano man kapabaya o kairesponsable ang mga taong iyon sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, magbubulag-bulagan lang siya rito. Bukod pa roon, malulugod siya sa pagtatamasa ng pagsamba at pagtingala sa kanya ng mga ignorante at hangal na taong iyon, at bibigyan pa nga ng proteksyon ang mga ito, hindi pinapahintulutan ang sinuman na ilantad o kilatisin siya. Sa paggawa nito, hindi ba’t nagtatatag ang anticristo ng independiyenteng kaharian para sa sarili niya? Hindi gumagawa ng totoong gawain ang isang anticristo, hindi siya nagbabahagi tungkol sa katotohanan para lumutas ng mga problema, hindi niya ginagabayan ang mga tao sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at sa pagpasok sa katotohanang realidad. Gumagawa lang siya para sa katayuan, kasikatan at pakinabang, ang mahalaga lang sa kanya ay ang tungkol sa pagtataguyod ng kanyang sarili, pinoprotektahan ang puwang niya sa puso ng mga tao, at inuudyukan ang lahat na sambahin siya, tingalain siya, at sundin siya sa lahat ng oras; ang mga ito ang mga layuning gusto niyang makamit. Ganito sinusubukan ng isang anticristo na kunin ang loob ng mga tao at kontrolin ang hinirang na mga tao ng Diyos—hindi ba’t buktot ang ganitong paraan ng paggawa? Ito ay masyado talagang nakakasuka! Ganito siya gumagawa sa loob ng ilang panahon, inuudyukan ang mga tao na maging magiliw sa kanya, mapagtiwala sa kanya, sumasandig sa kanya—pero ano ang mga kahihinatnan? Hindi lang basta hindi maunawaan ng mga taong iyon ang katotohanan, hindi lang sila talagang bigong umusad sa buhay pagpasok nila—sa halip, ginagawa nilang espirituwal na magulang nila ang anticristo, bilang panghalili sa Diyos, hinahayaan ang anticristo na palitan ang katayuan ng Diyos sa puso nila. Kapag may isyu ang isang tao, hindi na siya lumalapit sa Diyos, at anumang problema ang dumarating sa kanya, hindi siya nananalangin sa Diyos o sumasandig sa Kanya, o hinahanap ang katotohanan sa Kanyang mga salita. Sa halip, pumupunta siya sa lider na ito para magtanong tungkol dito. Hinihiling niya sa lider na ipakita sa kanya ang daan, at patagal nang patagal, lalo siyang tumitingala sa lider na ito at dumedepende rito. Hindi niya alam kung paano hanapin ang Diyos, at hindi niya alam kung paano tumingala sa Kanya at sumandig sa Kanya, lalong hindi ang kung paano kumilos ayon sa katotohanan at sa mga prinsipyo. Anuman ang dumating sa kanya, makapigil-hininga niyang hinihintay ang lider na desisyunan ito. Ginagawa niya anuman ang sabihin ng lider na dapat niyang gawin, at sumusunod siya sa anumang mga direksyon ng lider. Sa pagdadala sa mga tao sa puntong ito, hindi ba’t inililihis at kinokontrol sila ng anticristo? Bakit hindi hinahanap ng hinirang na mga tao ng Diyos ang katotohanan mula sa Diyos kapag may nangyayari sa kanila? Bakit pikit-matang sinusunod ng hinirang na mga tao ng Diyos ang sinasabi ng lider nila, nang hindi sinusuri o kinikilatis ang mga salita nito? Bakit agad nakakapagpasakop ang hinirang na mga tao ng Diyos sa mga salita ng lider nila pagkarinig nila sa mga ito, pero hindi ito magawa sa mga salita ng Diyos? Hinahangad nila ang mga kagustuhan ng lider nila sa halip na hangarin ang sa Diyos; pinakikinggan nila ang mga salita ng lider nila sa halip na pakinggan ang sa Diyos, at sa halip na maghangad at magpasakop sa katotohanan. Sumasandig sila sa lider nila para kumilos, pati na rin para palakasin sila, magsalita para sa kanila, at gumawa ng mga desisyon para sa kanila, sa halip na sumandig sa Diyos, tumingala sa Kanya, at magpasakop sa Kanya. Hindi ba’t umokupa na ng partikular na puwang sa puso ng mga tao ang mga tinatawag na lider na ito? Ito ang bunga ng panlilihis at panlilinlang ng isang anticristo sa mga tao.
Kapag may nangyayari sa ilang tao at sinabi mo sa kanilang manalangin sa Diyos, sasabihin nilang masyadong mababa ang tayog nila at hindi nila alam kung paano maghanap. Kung sasabihin mo sa kanilang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, sasabihin nilang wala silang kakayahan at hindi nila kayang magtamo ng dakilang liwanag. Kung sasabihin mo sa kanilang makinig sa mga sermon, sasabihin nilang masyadong matayog at malalim para sa kanila ang nilalaman ng mga sermon, na hindi nila ito kayang maunawaan. Naniniwala silang kung mababa ang kakayahan ng isang tao, at may mga kahinaan, at hindi siya sapat sa anumang aspekto, kailangan niyang maghanap sa mga lider. Ipagpalagay nating tatanungin mo siya, “Bakit kailangan mong humanap ng isang lider? Bakit hindi mo hanapin ang Diyos at lumapit sa Kanya?” Sasabihin niya, “Napakahirap para sa mga tao na lumapit sa Diyos: May mga kuru-kuro kami, mahina ang kakayahan namin, at mahina kaming umintindi at walang pakiramdam. Hindi palaging tuwiran ang mga salita ng Diyos, at walang anumang mga halimbawa sa Kanyang mga salita para ipakita ang ibig sabihin ng mga ito. Direktang sinasabi sa amin ng lider namin kung ano ang dapat gawin, sa paraang talagang tuwiran, gaya ng kung paanong ang isa dagdagan ng isa ay katumbas ng dalawa. Pagdating sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, kung kaya kong basahin ang mga ito nang malakas, medyo mahusay na iyon, pero wala akong ideya kung ano ang ibig sabihin ng mga iyon, at hindi ko alam kung ano ang hinihingi ng Diyos sa tao o kung paano magsagawa sa paraang naaayon sa mga layunin ng Diyos. Hindi ako kailanman makakahanap ng mga sagot. Dahil nakikita ko na isa akong taong may mahinang kakayahan, isang taong napakababa ng tayog, na walang pakiramdam at isang hangal, na hindi kayang kumilatis ng anumang bagay, kailangan kong tanungin ang lider namin tungkol sa lahat ng bagay na nangyayari, at ipaubaya sa kanya ang pagdedesisyon. Makakahanap ng mga sagot para sa akin ang lider namin; gagawin ko lang anuman ang sabihin niya sa akin. Ganoong uri lang ako ng tao—simple at masunurin.” “Walang mali sa pagiging simple at masunurin, pero tinataglay ba talaga ng lider ninyo ang katotohanang realidad? Isa ba talaga siyang taong nagpapasakop sa Diyos? Kung ang kaya niya lang gawin ay mangaral ng mga salita at doktrina at hindi siya isang taong nagpapasakop sa Diyos, ang pagpapasakop mo ba sa kanya ay nangangahulugang nagpapasakop ka sa Diyos?” Sinasabi nila, “Mahusay ang kakayahan ng lider namin, at tama ang lahat ng sinasabi niya. Nagpapatunay iyon na nauunawaan niya ang katotohanan at kaayon siya sa mga layunin ng Diyos.” May kaunting lohikal na katwiran sa sinasabi nila, hindi ba? Batay itong lahat sa mga personal nilang damdamin. Mahina ang kakayahan nila at wala silang pagkilatis, kaya kung talagang may mali sa lider nila, hindi nila ito makikita. Hangal, ignorante, at mahina ang kakayahan ng karamihan ng tao, pero isantabi muna natin ang dahilang iyon sa ngayon. Kung titingnan natin ito sa punto ng lider, kung nagpapakita ang mga tao ng ganitong mga pagpapamalas, may ganoong pagdepende sa kanilang lider, at nagkikimkim ng ganoong uri ng pananaw at saloobin, hindi ba’t may kaunting kaugnayan iyon sa mga taktika at pamamaraan ng lider upang makuha ang loob ng mga tao? (Oo. Mayroon.) Gaano kalaking kaugnayan? Direkta ba itong nauugnay sa paraan ng paggawa ng lider? Masasabi natin nang may katiyakan na may ganap at direktang kaugnayan doon, na isang daang porsiyentong konektado ang mga bagay na ito. Bakit Ko ito sinasabi? Maraming lider, pagdating sa kanilang subhetibong kagustuhan, ay nagnanais na dalhin ang mga tao sa harapan ng Diyos, pero dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, o hindi alam kung paano lumutas ng iba’t ibang totoong problema, kaya lang nilang mangasiwa ng ilang pang-administratibong gawain at pangkalahatang usapin, at magpasikat para hangaan sila ng mga tao, hindi nila namamalayang napupunta na sila sa landas ng mga anticristo. Gumagamit sila ng mga sarili nilang paraan at pinagkukunan para patuloy na subukang kunin ang loob ng mga tao, at na kontrolin ang kanilang puso, gawi, at mga kaisipan, para palaging gawin ng mga tao ang sinasabi nila sa kanilang mga kilos, sa pagsasagawa nila ng katotohanan, at sa bawat aspekto ng pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Kung magpapasakop ang mga tao sa isang anticristo, at hindi tunay na magpapasakop sa Diyos—kung magpapasakop sila sa anticristo nang higit pa sa pagpapasakop nila sa Diyos—at walang ibinubungang resulta ang pagganap nila sa kanilang mga tungkulin o kung anuman, at hindi nila mahusay na nagagawa ang tungkulin ng tao, ang ganoong mga tao ba ang mga taong maliligtas? Ang mga tao ay may mga “tumpak” na landas ng pagsasagawa para sa pagsunod at pagiging tapat sa mga lider at manggagawa, pero hindi nga sila tumpak na nagsasagawa pagdating sa pagpapasakop sa Diyos at pagiging tapat sa Kanya—walang nagbabahagi tungkol dito, at walang gumaganap sa aspektong ito ng totoong gawain. Gusto ng lahat ng tao na magsalita at kumilos alang-alang sa sarili nilang katayuan at reputasyon, at pinipiga nila ang utak nila at nakakalimutan na nilang kumain o matulog sa pagsisikap na pasunurin at pasambahin sa kanila ang hinirang na mga tao ng Diyos. Halata naman, na ginagawa nila ang lahat ng ito para matupad ang layunin nilang maghari sa iglesia bilang isang lider o manggagawa. Ano ang dahilan nito? Iyon ay dahil may pare-parehong disposisyon at pare-parehong kagustuhan ang lahat ng tiwaling sangkatauhan. Kapag may taong nagturo ng landas sa iyo, at talagang handa kang isagawa ito, hindi ibig sabihin niyon na isinasagawa mo ang katotohanan—ibig sabihin nito ay ginagawa mo ang sinasabi ng taong iyon at sinusunod mo siya. Kaya, bakit ayaw ng mga tao na lumapit sa Diyos, o hanapin Siya? Dahil walang anumang nasa pagkatao ng tao ang naaayon sa katotohanan. Ang lahat ng gusto ng tao, ang lahat ng inaasam nila, at ang lahat ng pinanghahawakan nila sa kanilang puso ay taliwas sa katotohanan, salungat dito. Samakatuwid, kung hihilingin mo sa isang tao na hanapin ang katotohanan kapag may nangyari sa kanya, magiging mas mahirap pa ito sa kanya kaysa sa pagpunta sa buwan—pero kung hihilingin mo sa kanyang makinig sa isang tao, magiging mas madali iyon. Maliwanag na napakabilis makamit ng mga anticristo ang mga resulta kapag ginamit nila ang diskarte ng pagkuha sa loob ng mga tao para kontrolin ang mga ito. Sa isang komento lang na isiningit, makukumbinsi nila ang isang tao na magkaroon ng magandang opinyon tungkol sa kanila; sa isang kaswal na komento lang na nagkikimkim ng ilang layunin o pananaw, magagawa nilang makita sila ng isang tao mula sa isang bagong perspektiba, sa isang bagong punto de bista. Ibinubunyag nito nang eksakto kung anong mga bagay ang nasa kalooban ng mga tao. Ibig sabihin nito na kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, at sa halip ay tatahakin mo ang landas ng paghahangad sa katayuan at kapangyarihan, ang magiging epekto at kahihinatnan ng lahat ng gagawin mo sa sinumang miyembro ng tiwaling sangkatauhan ay ang hikayatin silang talikuran ang tunay na daan, iwasan ang katotohanan, iwasan ang Diyos, at tanggihan ang Diyos. Iyon ang tanging kahihinatnan, ang tanging kalalabasan. Malinaw itong makikita.
Ang unang pagpapamalas ng pagsubok ng mga anticristo na kunin ang loob ng mga tao ay ang pang-aakit sa mga tao gamit ang maliliit na pabor. Hindi kailangang mga materyal na bagay ang maliliit na pabor; malawak ang saklaw ng mga ito. Minsan mga salitang may pagsasaalang-alang ang mga ito; minsan katuparan ang mga ito ng pagnanais o kagustuhan ng isang tao; at kung minsan pakikiramdam ang mga ito sa mga kaisipan ng isang tao at pagsasabi ng anumang mga kaaya-ayang bagay na gustong marinig ng taong iyon, para isipin ng taong iyon na napakahusay at napakamaunawain ng lider nila. Sa madaling salita, nagtatambak ang mga anticristo ng pagpaparaya, pagmamahal, init, at tinatawag na pagsasaalang-alang para maitago ang lihim nilang ambisyon na kontrolin ang mga tao. Kung nagbigay ang mga kapatid ng ilang magandang bagay, halimbawa, posibleng ibahagi nila ang ilan sa mga bagay na iyon sa sinumang kasundo nila. Ginagamit nila ang maliliit na pabor na ito para kunin ang loob ng mga tao at bilhin ang mga ito. Kung may trabaho sa iglesia na wala masyadong hinihingi, iyong walang kasamang pagkakalantad sa mga elemento at mabibigyang-kakayahan ang isang tao para mapansin, ipapagawa nila ito sa sinumang kasundo nila. Bakit kaya nila itong gawin? Bahagi nito ay hindi talaga nila minamahal ang katotohanan, at kumikilos sila nang walang mga prinsipyo. Ang isa pang bahagi ay nirereserba nila ang mabuting tungkulin na ito para sa mga kasundo nila, at pagkatapos ay magsasabi ng ilang magandang pakinggang bagay sa mga ito, para magkaroon ang mga ito ng utang na loob sa kanila. Sa paggawa nito, makakamit nila ang layon nila na pagkuha sa loob ng mga tao. Ang taktikang ito ay hindi lang tungkol sa pagbibigay ng maliliit na pabor at pagsasabi ng matamis na bagay dito at diyan—may isang hangarin dito, may isang layon. At anong layon iyon? Naglalayon itong mag-iwan sa mga tao ng isang kanais-nais na pagsusuri sa kanila sa puso ng mga ito. Kung may isang grupo ng sampung tao, magsisimula sila sa pamamagitan ng pagtatasa sa mga ito: “Sa sampung ito, may dalawa na magaling sa pagsipsip sa mga tao. Hindi ko sila kailangang intindihin, at pareho lang nila akong bobolahin. Pagkatapos, may dalawang taong magulo ang isip; gagawin nila ang sasabihin ko kung bibigyan ko sila ng ilang benepisyo. Ang dalawa pa ay mga taong medyo mahusay ang kakayahan; hangga’t nangangaral ako ng ilang matatayog na sermon at nagsasalita ng ilang kahanga-hangang salita sa kanila, susuko sila sa akin. Pagkatapos, may tatlong tila naghahangad sa katotohanan, kaya medyo magiging mahirap silang pangasiwaan. Kakailanganin kong magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa aktuwal nilang sitwasyon, makita kung ano ang kailangan nila, at pagkatapos ay tugunan ang mga ito. Kung hindi kakagat dito ang sinuman sa kanila at hindi susunod sa akin, haharapin ko sila sa huli at paaalisin. Kahit pa laban sa akin ang huli, gaano lang ang gulo na maidudulot nila sa akin, at magiging madali lang ayusin ang mga iyon.” Sa isang sulyap lang ng kanilang mga mata, matutukoy nila kung sino sa isang grupo ang kaya nilang pangasiwaan at sino ang hindi. Paano nila ito malalaman nang ganoon kabilis? Kaya nila itong gawin dahil puno ang puso nila ng mga satanikong politika at pilosopiya. Ang mga prinsipyo ng pagkilos nila at ang mga paraan ng pag-asal at pakikisalamuha nila sa iba ay hindi tungkol sa mabuting pakikisama sa mga tao, o pagkakaroon ng mga normal na interpersonal na relasyon, hindi ito tungkol sa pagtulong o pagtustos sa iba, o pagtuturo sa kanila, o tungkol sa pakikipag-ugnayan sa iba bilang kapantay, o paggamit sa mga katotohanang prinsipyo para pangasiwaan ang mga usapin at harapin ang ibang tao. Talagang hindi sila nagtataglay ng kahit katiting ng mga prinsipyong ito. Ano ang mga prinsipyo nila? “Paano ako itinuturing ng bawat tao sa kanilang puso? Hindi ko na kailangang intindihin iyong mga mataas ang tingin sa akin, na nasa puso nila ako, at na takot sa akin, iginagalang ako, at hinahangaan ako. Ganito at ganyan ang dapat kong sunod na gawin sa mga taong hindi humahanga sa akin, at ganito at ganyan ang dapat kong gawin sa mga taong humahanga sa akin, pero hindi pa lubos na nagbibigay-daan sa akin. At para doon sa mga hindi karaniwang nagbibigay ng pansin sa iba, ganito at ganyan ang dapat kong gawin sa kanila.” May hakbang-hakbang silang pamamaraan para kontrolin ang mga tao. Bakit nila ginagawa ang mga hakbang at kaisipang ito? Dahil hindi na makontrol ang pagnanais para sa kapangyarihan sa kanilang puso. Kung magiging mabuti ang pakikisama nila sa mga tao sa isang grupo, medyo hindi sila masisiyahan at mararamdaman nilang wala silang dignidad. Kaya, ano ang layon nila? Ang kumbinsihin ang lahat na bigyan sila ng puwang sa puso ng mga ito—kung hindi una, kung gayon ay pangalawa, at kung hindi pangalawa, kung gayon ay pangatlo. Hindi talaga puwede ang makipag-ugnayan sa iba sa pantay na antas. Bilang mga lider, kaya bang pakinggan ng mga taong ito ang magkakaibang opinyon ng iba? Hindi nila kaya. Saan umiikot ang lahat ng ginagawa nila? (Sa kapangyarihan.) Sa kapangyarihan umiikot ang lahat ng ginagawa nila. Anong mga bagay ang ginagawa nila na umiikot sa kapangyarihan? Una, sinisiyasat nila ang puso mo at inaarok ito; ibig sabihin, binibili ka muna nila, at inuudyukan kang maglabas ng saloobin sa kanila, kinukuha nila sa iyo ang tunay mong damdamin, at inaalam ang tunay mong opinyon tungkol sa kanila. Sa pagkaarok nito, iniaakma nila ang mga pamamaraan nila sa bawat sitwasyon, tinutugunan isa-isa ang bawat kaso. Gusto nilang kontrolin ang puso ng mga tao, at kapag nakahanap sila ng isang taong hindi nila kasundo, isang taong hindi humahanga sa kanila, isang taong hindi tapat sa kanila, iyon ang oras na sasaktan at pahihirapan nila ang taong iyon. Kung gayon, ang motibasyon ng mga anticristo sa pagkuha sa loob ng mga tao ay kapangyarihan. At ano ang mga pamamaraan at diskarte na ginagamit nila para magkamit ng kapangyarihan? Lubusan nilang nauunawaan, naaarok, at nakokontrol ang puso ng mga tao. Ano ang kumokontrol sa mga kaisipan ng mga tao? Ang puso at kalikasan nila. Kapag kinokontrol ng anticristo ang puso ng isang tao, hindi na mahalaga ang mga ideya at kaisipan ng taong iyon. Sa sandaling makontrol ng anticristo ang puso ng isang tao, nakokontrol na niya ang buong pagkatao nito.
B. Pagpapakitang-gilas sa Kanilang mga Kalakasan Para Sambahin Sila ng mga Tao
Bukod sa paggamit ng maliliit na pabor, na tinalakay lang natin, anong iba pang mga diskarte ang karaniwan o regular na ginagamit ng mga anticristo para kunin ang loob ng mga tao? Halimbawa, sabihin nating may masamang impresyon ang lahat sa isang lider. Iniisip ng mga tao na walang talento ang lider na ito, na mga salita at doktrina lang ang kaya niyang sabihin, at na wala siyang totoong pagkaunawa sa katotohanan. Kung malalaman ng lider na iyon na kinikimkim ng mga tao ang ganitong uri ng impresyon sa kanya, gagawin ba niya ang lahat ng makakaya niya para itago ang mga kamalian at kahinaang ito? (Oo.) Ano ang gagawin niya? Anong uri ng mga bagay ang sasabihin niya? Ang pagpapanggap na magtatapat ay isang aspekto nito. Ano pa? (Pagpapalusot.) Ang pagpapalusot ay nagsisilbi ring paraan ng pagtatago. Dagdag pa rito, maaaring gamitin ng lider ang kanyang mga kalakasan at ang mga bagay na mahusay sa pananaw ng iba para itago ang mga kahinaan niya. Isa ba itong karaniwang diskarte? (Oo.) Halimbawa, sinabi ng isang tao, “Maikling panahon pa lang akong nananampalataya sa diyos, kaya bakit ako piniling lider? Ito ay dahil may pinatakbo akong kumpanya sa sekular na mundo, at dumami ang aming mga tauhan mula 10 tao hanggang 200, na nagpapakitang may kakayahan ako sa pamumuno. Kahit na walang ikinakabit na importansya ang sambahayan ng diyos sa ganoong mga bagay, kapaki-pakinabang ang kakayahang ito sa ilang sitwasyon, tama?” Matapos marinig ito, hindi sasang-ayon ang iba, kaya magpapatuloy ang taong ito sa palabas niya at sasabihin, “Halimbawa, kung kakausapin mo ang mga empleyado mo, pero hindi sila nakikinig, ano ang dapat mong gawin? Makikinig sila sa iyo kapag nagkamit ka ng magagandang resulta. Nailatag ko na ang patunay ko: Naisapubliko na ang kumpanya ko!” Sa una, maaaring sabihin ng ilan na isa itong regalo, na ganito ginagawa ng mga walang pananampalataya ang mga bagay-bagay, pero may mga pamamaraan at resulta talaga sa pagkilos ng taong ito, kaya may ilang tao na mula sa pagdududa sa kanya ay nagtitiwala sa kanya, hanggang sa hindi namamalayan ay nagsisimula na nilang sambahin siya, unti-unti, habang kumikilos sila. Dagdag pa, inililihis ng taong ito ang iba, at itinatago ang sarili niyang mga kakulangan; nabili niya ang puso ng mga tao nang hindi nalalaman ng mga ito, nailihis niya ang mga ito, at yumuyukod sa kanya ang mga ito. Hindi ba’t isa itong diskarte? (Oo.) Ano ito? Ito ang paggawa ng isang tao ng lahat ng makakaya niya para magpakitang-gilas ng kadalubhasaan at mga kaloob niya at ipagyabang ang kanyang mga kakayahan at kasanayan. Ano ang layon ng mga pagkilos na ito? Ito rin ay para kunin ang loob ng ibang tao. Para kunin ang loob ng ibang tao, bukod sa pamimigay ng ilang magagandang bagay, kailangan din niyang mahikayat ang iba na igalang siya. Kung ordinaryong tao lang siya, o isang hindi edukadong tao na wala masyadong pinag-aralan, sino ang gagalang sa kanya? Samakatwid, sadyang ipinapangalandakan ng taong ito ang kanyang mga diploma, ipinapaalam sa mga tao na mayroon siyang matataas na digri at matataas na akademikong kredensyal, at dahil dito, naililihis niya ang ilang tao. Ginagawa niya ang lahat para magpakitang-gilas ng kanyang mga kaloob, kadalubhasaan, at kakayahan para makumbinsi ang ibang tao na magkaroon ng mataas na pagtingin at magandang impresyon sa kanya, at para madalas pa ngang maisip ng mga tao o magkaroon sila ng awtomatikong reaksyon na hingin ang payo niya habang ginagawa ang mga bagay-bagay. Hindi ba’t ang lahat ng ginagawa niya para makamit ang layong ito ay isa ring istratehiya para sa pagkuha ng loob ng mga tao? May dalawang pagpapamalas ang mga anticristo sa pagkuha ng loob ng mga tao. Ang una ay paggamit ng maliliit na pabor. Ang pangalawa ay pagpapakitang-gilas ng sarili nilang mga kakayahan at kaloob, sa madaling salita, ang mga bagay na ginagawa silang superyor, at paggamit sa pamamaraang ito para matalo ang iba pa, para naiiba sila sa karamihan, at para igalang sila ng iba, hangaan sila, buong-pusong lumapit sa kanila para sundin ang mga utos nila at tanggapin ang pamumuno nila, at buong-puso pa ngang tanggapin at sundin ang lahat ng kanilang pagsasaayos. Hindi ba’t isa itong anyo ng sikolohikal na pag-atake? (Oo.) Ang pagkuha ng loob ng ibang tao ay isang uri ng sikolohikal na pag-atake. Ano ang ibig sabihin ng “sikolohikal na pag-atake”? Isa itong paraan ng pagsakop at pagkontrol ni Satanas sa puso ng mga tao. Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao. Nilulupig at nakakamit Niya ang puso ng mga tao. Kaya bakit hindi ginagamit ang katagang “makamit ang puso ng mga tao” kapag tumutukoy kay Satanas at sa mga anticristo? Ito ay dahil gumagamit si Satanas at ang mga anticristo ng mga abnormal at buktot na diskarte para kamkamin, ilihis, akitin, at kontrolin ang puso ng mga tao, upang walang magawa ang mga tao kundi magkaroon ng mataas na pagtingin sa mga ito at lubos na igalang at hangaan ang mga ito.
Kakatapos lang nating magbahagi tungkol sa dalawang taktika sa pagkuha ng loob ng mga tao. Ano pang mga tipikal na taktika ang mayroon? Kung hindi pa ninyo nararanasan ang mga taktika at pamamaraang ginagamit ng mga anticristo para ilihis at pigilan ang mga tao, maaari ninyong tingnan ang inyong mga sarili para makita kung paano kayo kumpara sa kanila. Tingnan ninyo kung tinataglay ninyo ang mga pagpapamalas na ito. Ang lahat ng namumuhay sa gitna ng mga tiwaling disposisyon ay nagtataglay ng mga bagay na ito. Ang pagbibigay ng maliliit na pabor, panlilihis sa mga tao, pang-aakit sa mga tao—hindi ba’t ito ay mga bagay na madalas ninyong gawin? At ang paggawa ng lahat ng makakaya ninyo para magpakitang-gila ng inyong mga kaloob at kalakasan—hindi ba’t isa rin iyong bagay na madalas ninyong gawin? (Oo.) Sa partikular, kapag may ginawa kayong isang bagay na taliwas sa katotohanan, kapag nalantad ang inyong mga kahinaan at kakulangan, at pati na kapag pinungusan kayo at talagang napahiya kayo at nawala ang bawat hibla ng katanyagan ninyo, hindi ba’t ginagawa ninyo ang mga bagay na tulad ng paggamit ng mga pamamaraan at diskarteng ito para remedyuhan ang sitwasyon at para ibalik ang inyong posisyon at katanyagan sa puso ng mga tao? (Ginagawa rin namin ang ganitong mga uri ng mga bagay.) Kapag ginagawa ninyo ang mga bagay na ito, mayroon ba kayong kamalayan, at nararamdaman ba ninyo na ito ang maling landas at na hindi ninyo ito puwedeng gawin? Nakakaramdam ba kayo ng paninisi sa sarili? Madalas ba kayong walang pakialam dito, o na mayroon kayong paninisi sa sarili, pero dapat pa rin ninyong gawin ang mga bagay na ito, sa kabila ng inyong mga sarili, dahil napakahalaga sa inyo ng reputasyon at imahe ninyo? Alin ito? (Ginagawa pa rin namin ang mga ito sa kabila ng aming mga sarili.) Ginagawa ninyo ito sa kabila ng inyong mga sarili—kung gayon, nakakaramdam ba kayo ng paninisi sa sarili? O hindi ba talaga ninyo ito nararamdaman, kundi binabalewala ang mga bagay na iyon kapag nagawa na ninyo ang mga ito, at nagpapatuloy lang kayo sa pagkain at pagtulog gaya ng ginawa ninyo dati? (Nakakaramdam kami ng paninisi sa aming sarili.) Kung nakakaramdam kayo ng kaunting paninisi sa inyong sarili, hindi iyon ganoon kalala. Pinapatunayan nitong hindi pa ganoon kalalim ang pagkamanhid ninyo—nagtataglay pa rin kayo ng kamalayan. Ang mga taong may kamalayan ay may pag-asang maligtas; iyong mga taong wala nito ay walang pagkatao, kaya nasa panganib sila.
C. Pagpapakitang-tao para Ilihis ang mga Tao at Makuha ang Kanilang Pagsang-ayon
Ano pang mga diskarte ang karaniwang ginagamit ng mga anticristo para kunin ang loob ng mga tao? May isa pang sitwasyon, na anuman ang ginagawa ng mga anticristo, hindi nila ito ginagawa sa harapan ng Diyos, kundi sa harapan ng mga tao. Ano ang layon nila roon? (Ang akitin ang mga tao.) Ito ay ang akitin ang puso ng mga tao. Sa panlabas, mas handa silang magdusa at magbayad ng halaga kaysa sa iba; mukha silang mas espirituwal kaysa sa iba, mas tapat sa Diyos, at mas seryoso sa tungkulin nila. Pero kapag walang nagbabantay sa kanila, hindi sila ganoon kumilos. Hindi nila tunay na layuning kumilos sa ganoong paraan; sa halip, may nakatago silang motibo. Ganoon sila umasal sa harap ng iba para makita ng mga taong iyon kung gaano sila kabuti kumikilos, at na ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin nang may ganoong katapatan, pero sa katunayan, hindi naman talaga katapatan ang panloob nilang motibasyon. Ang layunin nila ay ang makita sila ng mga tao bilang tapat at responsable. Lubusan nilang kinukumbinsi ang iba sa pamamagitan ng pagbabayad ng halaga sa ganitong paraan. Dahil dito, handang tanggapin ng ibang tao ang kanilang pamumuno, at na patawarin sila anumang pagkakamali ang magawa nila. Anong uri ito ng pag-uugali? Pagpapakitang-tao ito para ilihis ang mga tao. Ano ang ibig sabihin ng “pagpapakitang-tao” rito? Ang ibig sabihin nito ay mabubuting pag-uugali, at mga pagkilos na mukhang naaayon sa katotohanan. Ang pagpapakitang-tao na mukhang naaayon sa katotohanan para ilihis ang mga tao at makuha ang kanilang pagsang-ayon—binubuod nito ang mga katangian ng pag-uugaling ito, hindi ba? Ang layon nila sa huli ay ang makuha ang pagsang-ayon ng mga tao. Kapag may maganda nang opinyon ang mga tao sa mga anticristo, may kaunting paggalang na sila sa mga ito—magkakaroon ang mga anticristo ng partikular na puwang sa puso nila gamit ang pamamaraang ito. Halimbawa, may isang uri ng tao na handang magbayad ng halaga sa pagganap niya ng kanyang tungkulin, kadalasang dumedepende sa karanasan sa mga pagkilos niya, at hindi lumalabag sa alinman sa mga pangunahing prinsipyo, pero kapag nagbabahagi ka sa kanya tungkol sa paghahangad sa mga katotohanang prinsipyo, ano ang sinasabi niya? “Hindi mo na kailangang magbahagi sa akin ng tungkol dito. Nasa isipan ko na ang lahat ng bagay na ito!” Kapag may problema talaga siyang kinaharap, hindi lang sa hindi siya naghahanap, ayaw rin niyang makinig sa payo ng sinuman, lalo na sa opinyon ng mga ito; ginagawa lang niya ang anumang sa tingin niya ay mabuti. Kapag nagbabayad siya ng halaga, kapag ang mga kilos niya ay pinagmumukha siyang mabilis at desidido at nagtataglay ng partikular na awtoridad, paano siya nakikita ng ibang tao sa puso ng mga ito? Maganda ba ang opinyon nila sa kanya, o hindi? Sa pananaw ng ibang tao, hindi niya nilabag ang katotohanan sa anumang mga halatang paraan, at napakahusay niya sa paggawa niya ng mga bagay-bagay. Ang antas ng “katapatan” niya at ang karanasan niya sa paggawa ng kanyang mga tungkulin ay sapat para makumbinsi ang iba. Iniisip ng mga tao, “Tingnan mo siya: Maraming taon na siyang nananampalataya sa Diyos, at may karanasan na siya sa paggawa ng tungkuling ito. Batikan na siya. Hindi natin iyon magagawa.” Kapag ang mga tao ay may ganoong positibong pananaw sa kanila, matimbang ba siya sa puso ng mga taong iyon o hindi? (Matimbang.) Matimbang; matimbang siya sa puso ng mga ito. May ilang tao na hindi kailanman hinahanap ang katotohanan, bahagyang dahil sa wala silang espirituwal na pang-unawa, at bahagya ring dahil sa wala silang interes sa katotohanan, at hindi talaga nila minamahal ang katotohanan, at lubusan silang walang pang-unawa kung ano ang mga katotohanang prinsipyo. Ganap lang silang nakadepende sa lumilipas nilang sigla, sa sarili nilang magagandang layunin, at sa mga taon ng karanasan nila para magawa ang kanilang mga tungkulin. Gayumpaman, ayaw nilang ipaalam sa ibang tao ang mga bagay na ito, kaya ginagawa nila ang lahat para magsikap nang husto at magbayad ng halaga. Kung matutuklasan ng sinuman na wala silang espirituwal na pang-unawa, o na hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at ginagawa nila ang mga bagay-bagay nang walang prinsipyo, mabilis silang maglalabas ng ilang mga nagawa para makita ng mga tao. Sasabihin nila, “Tingnan ninyo para makita ninyo kung may espirituwal na pang-unawa talaga ako o wala. Pagmasdan ninyo; tingnan ninyo kung talagang kumikilos ako nang may prinsipyo o hindi, kung naiintindihan ko ba talaga ang katotohanan.” Sa pagkilos nila nang ganito, maraming tao ang naililigaw nila. Sinasabi nila, “Bihasa ang mga taong iyon sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, at nauunawaan nila ang mga prinsipyo; tayo ang hindi nakakaunawa.” “Tayo ang hindi nakakaunawa”—ano ang ibinubunyag ng pahayag na ito? Ibinubunyag nito na sa kaibuturan, tinatanggap nila ang panlabas na magandang pag-uugali ng mga taong iyon. Ano ang katumbas ng pagtanggap na ito? Katumbas ito ng pag-iisip na mga tao silang nagsasagawa ng katotohanan, nagmamahal sa Diyos, at tumatanggap ng paggawang perpekto sa kanila ng Diyos. Hindi ba’t sinusuri sila ng iba sa paraang katumbas ng pag-okupa nila ng partikular na puwang sa puso ng mga tao? Sa mas partikular, masasabing may isang uri sila ng katanyagan. Kaya, ano ang idinudulot sa kanila ng katanyagang ito? Idinudulot nitong tingalain sila ng iba, igalang sila, at dumepende pa nga sa kanila. Paano dumedepende ang iba sa kanila? Sa sandaling magkaroon ang mga ito ng problema, agad silang hinahanap ng mga ito. Ipagpalagay nating sinabi ng isang tao, “Isa itong malaking isyu, at hindi natin ito nauunawaan; dapat nating tanungin ang Itaas, hindi ba?” Sasabihin naman ng ilan, “Hindi na kailangan. Puwede namang tanungin na lang natin ang lider natin. Nauunawaan itong lahat ng lider natin.” Nasa isip ng lahat na madalas abala ang mga lider at manggagawa sa kanilang gawain at wala silang nagawang masama, at dahil dito, iniisip ng mga ito na tiyak na mga tao silang nakakaunawa sa katotohanan at kumikilos nang may mga prinsipyo. Ano ang masasabi mo sa sentimyentong ito? Kung hindi hayagang gumawa ng masama ang isang tao, ibig sabihin ba niyon ay nauunawaan niya ang katotohanan? Hindi naman talaga. May limitasyon sa pang-unawa ng sinumang tao sa katotohanan. Kung ikaw, dahil sa paniniwalang nauunawaan ng mga lider ang lahat, ay hindi nananalangin sa Diyos, naghahanap mula sa Kanya, o naghahanap sa Kanyang mga salita, anuman ang problemang mayroon ka, kundi dumidiretso sa isang lider para magtanong tungkol dito, hindi ba’t maaantala nito ang mga bagay-bagay? Kung palagi mong ginagawa ang sinasabi ng mga lider, palagi silang tinitingala, maaaring hindi maging maganda ang takbo ng ilang bagay, at maaaring magdulot ka ng maraming kawalan sa gawain ng iglesia. Ito ang dahilan kung bakit ang pagsamba at pagtingala sa mga tao ang pinakamadaling paraan para maligaw ng landas at magkamali, para magdulot ng kawalan sa sarili mong buhay, at sa sambahayan ng Diyos at sa gawain ng iglesia.
May tatlong pangunahing pagpapamalas ng mga anticristo sa pagkuha ng loob ng mga tao: Ang una ay pang-aakit sa mga tao gamit ang maliliit na pabor; ang pangalawa ay pagpapakitang-gilas ng kanilang mga kalakasan, kaloob, at talento; ang pangatlo ay pagpapakitang-tao para ilihis ang mga tao at makuha ang kanilang pagsang-ayon. Makikita sa lahat ng tao ang mga pagpapamalas na ito. Madalas nagbubunyag ang ilang tao ng ilang tsismis na hindi alam ng iba, pinag-uusapan ang lahat ng uri ng paksa, o nagbabahagi ng ilang natatangi at ekspertong opinyon. Ano ang tawag dito? May isang kasabihang may dalawang bahagi na ganito ang sinasabi: “Naglalagay ng kolorete ang isang matandang babae—para bigyan ka ng isang bagay na titingnan.” Palaging gustong ipakita ng mga taong ito ang mga kasanayan nila at matamo ang paggalang ng mga tao. Pero minsan, hindi nila ito nagagawa nang maayos, at may mga nakikitang kamalian sa kanila ang mga tao, kaya dahil dito ay ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para remedyuhan ang sitwasyon at takasan ito sa pamamagitan ng pakikipagtalo. Anuman ang mga bagay na nagawa nila na labag sa kanilang konsensiya at sa katotohanan, o na hindi nauugnay sa paggawa ng mga tungkulin nila, hindi sila kailanman marunong umamin ng pagkakamali o magnilay sa sarili nila at magsisi, ni hindi nila napagtatanto kung gaano kaseryoso ang isyung ito. Sa kabilang banda, labis silang nag-iisip at pinipiga nila ang utak nila para makahanap ng mga paraan upang makipagtalo para sa sarili nila at ayusin ang mga bagay-bagay. Atat na atat silang makamit ang mga layon nila, sa puntong hindi na sila makakain o makatulog, natatakot na dumanas ng bigla at mapanirang pagbaba ang magandang pagtingin sa kanila ng iba. Iniisip, halimbawa, ng ilang tao na magaling silang magsulat, na mahuhusay silang manunulat; iniisip ng ilan na magagaling silang lider, na mga haligi silang sumusuporta sa iglesia; iniisip ng iba na mabubuti silang tao. Sa sandaling mawala sa mga taong ito ang magandang imahe ng kanilang sarili sa kung anupamang dahilan, pinag-iisipan nila ito nang husto at nagbabayad sila ng halaga para sa kapakanan nito, pinipiga ang utak nila sa pagsubok na remedyuhan ang sitwasyon. Gayumpaman, hindi sila kailanman nakakaramdam ng hiya, o ng paninisi sa sarili nila, o ng pagkakautang sa Diyos dahil sa mga maling landas na tinahak nila, o para sa iba’t ibang bagay na ginawa nila na lumabag sa katotohanan. Hindi sila kailanman nagkaroon ng ganoong uri ng pakiramdam. Ginagamit nila ang lahat ng uri ng taktika para ilihis ang mga tao at kunin ang loob nila. Paggawa ba ito ng tungkulin ng isang nilikha? Talagang hindi. Iyon ba ang gawaing dapat ginagawa ng mga lider ng iglesia? Talagang hindi. Namumuhay sila sa pamamagitan ng mga satanikong disposisyon, gumagawa ng kasamaan at ginagambala ang gawain ng iglesia, at ginugulo at ginagambala ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung huhusgahan batay sa kanilang mga kilos at pag-uugali, sa mga landas na kanilang tinatahak, at sa iba’t iba nilang pag-uugali na nagliligaw sa mga tao at nagkokontrol sa mga ito, hindi nila ginagawa ang tungkulin ng isang lider, kundi sinisira at ginugulo ang gawain ng Diyos ng pagliligtas sa tao, pinipigilan ang mga taong lumapit sa Diyos, at tinatangkang panatilihin ang mga tao sa sarili nilang mga kamay, sa ilalim ng kanilang kontrol. Hindi ba’t mga kilos at pag-uugali ang mga ito ng isang anticristo? Walang duda tungkol dito. Sapat na patunay na ito na perpektong ginagampanan ng mga anticristo ang papel ni Satanas. Kung huhusgahan batay sa kalikasan ng mga bagay na ito na kanilang ginagawa, hindi lang sa hindi nila nagagawa nang maayos ang tungkuling dapat nilang gawin—bagkus ay ginagampanan pa nila ang papel ni Satanas. Ang ginagawa lang nila ay talagang makipagtagisan sa Diyos para sa hinirang na mga tao Niya. Ang mga tupang sa Diyos ay dapat sumunod sa Diyos at makamit Niya, pero pinipigilan ng mga taong ito ang iba na sumunod sa Diyos; napapasakamay nila ang mga tupa ng Diyos at kinokontrol ang mga ito, at inuudyukan ang mga taong sambahin sila at sumunod sa kanila. Iyon ang kalikasan ng mga kilos nila. Matatawag bang “mga lider” ang ganoong mga tao? (Hindi.) Puwes, ano ang dapat nating itawag sa kanila? (Masasamang tagapaglingkod.) “Masasamang tagapaglingkod”—akmang pangalan iyon. “Mga anticristo,” “masasamang tagapaglingkod”—sapat na ang parehong titulong ito, hindi ba? Ipinagmamalaki ng mga taong ito ang paggawa ng tungkulin ng isang lider, pero hindi nila ginagawa ang dapat gawin ng isang lider. Ang ginagawa nila ay talagang hindi ang pagganap sa tungkulin ng isang lider, pagganap ito sa papel ng isang anticristo, humahalili kay Satanas para gambalain at wasakin ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at inililihis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pag-iwas sa tunay na landas at pag-iwas sa Diyos. Ibinubunyag ng lahat ng kilos at pag-uugali nila ang disposisyon at kalikasan ni Satanas, at nakakamit nito ang resulta ng pagkumbinsi sa mga taong iwasan ang Diyos, tanggihan ang katotohanan at ang Diyos, at sambahin at sundin sila. Isang araw, kapag ganap na nilang nailihis ang mga tao at nadala sa ilalim ng kontrol nila, magsisimula silang sambahin, sundan, at sundin ng mga tao. Sa gayon ay nakamit na nila ang layon nila sa panlilinlang sa puso ng mga tao. Mga lider sila ng iglesia, pero hindi nila ginagawa ang gawaing ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos; hindi nila ginagawa ang gawain ng mga lider at manggagawa. Sa halip, iniimpluwensiyahan nila ang hinirang na mga tao ng Diyos, inililihis ang mga ito, nililinlang ang mga ito, at kinokontrol ang mga ito, napapasakamay ang mga tupang malinaw na pag-aari ng Diyos, dinadala sa ilalim ng kontrol nila. Hindi ba’t mga magnanakaw sila at bandido? Sa pakikipagtagisan gaya ng ginagawa nila sa Diyos para sa hinirang na mga tao Niya, hindi ba’t nagsisilbi silang mga lingkod ni Satanas? Hindi ba’t mga kaaway ng Diyos ang ganoong mga anticristo? Hindi ba’t sila ang kaaway ng hinirang na mga tao Niya? (Sila nga.) Isang daang porsiyento na sila nga. Mga kaaway sila ng Diyos at ng Kanyang hinirang na mga tao; ito ay walang kaduda-duda.
Noong nagsasalita at gumagawa pa Ako sa lahat ng iglesia sa mainland Tsina, may kasama Akong responsable para sa mga audio recording at pagsasalin ng mga sermon. Medyo biniyayaan ang taong ito, matalas ang kanyang isip at mabilis siyang tumugon. Pero may isang bagay tungkol sa kanya: Magaling siya sa pagsasabi ng mga kaaya-ayang-pakinggang bagay na gustong marinig ng mga tao. Kung sinabi mong masarap ang isang pagkain, sasabihin niya, “Tama ka. Sinubukan ko ito. Masarap ito.” Kung sinabi mong mainit sa labas, sasabihin niya, “Oo nga. Pawis na pawis nga ako.” Kung sinabi mong malamig sa labas, sasabihin niya, “Malamig, totoo. Nakasuot nga ako ng sapatos na may linya ng balahibo ng tupa.” Hirap siyang magsabi ng totoo o tapat. Para siyang isang taong talagang naghangad, pero noong may nangyari na nangailangang bayaran ng halaga, nagtago siya. Tuso at mapanlinlang siya. Ganoon siyang uri ng tao. Maaaring tanungin ng ilan, “Puwes, bakit Mo pinili ang taong tulad niyon?” Hindi Ko siya pinili—pinagpasyahan iyon ng mga sitwasyon noong panahong iyon. Mahirap pa ngang humanap ng taong tulad niya noon, at kahit papaano ay mabilis siyang tumugon—pipindutin niya ang “record” sa tuwing magsisimula akong magsalita. Nakasunod siya sa Akin sa buong lugar, nire-record at isinasalin ang mga sermon; gumawa siya ng ilang tunay na gawain. Pero ang paraan ng pag-asal niya sa presensiya Ko at ang mga bagay na ginawa niya sa iglesia ay parang kilos ng dalawang ganap na magkaibang tao. Sa presensiya Ko, nagpanggap siyang masunurin, maayos ang pag-uugali, at masipag, maingat, at responsable—pero ganoon ba siya noong ginawa niya ang tungkulin niya sa iglesia? Bilang ganoon siya noong nakikipag-ugnayan pa siya sa Itaas, ganoon din ba siya noong kasama niya ang hinirang na mga tao ng Diyos? Mangangahas ka bang mag-alok ng tiyak na sagot dito? Hindi, hindi ka mangangahas. Kung gayon, paano mo malalaman kung ano ang tunay niyang sitwasyon? Para magawa iyon, dapat nakikipag-ugnayan ka sa kanya. Matapos mong makisalamuha sa kanya nang ilang panahon, lalabas ang lahat ng nasa kalikasang diwa niya. Minahal niya lalo na ang katayuan, at partikular na banidoso siya; sa tuwing kasama niya ang sinuman, gustong-gusto niya talagang pag-usapan ang tungkol sa kapital niya, at ipakitang-gilas ang mga bagay na kaya niyang gawin, ang mga bagay na nagawa na niya, kung gaano siya nagdusa, at kung gaano siya kagaling. Ginawa niya ang mga bagay na ito at nagsalita nang ganito nang napakadalas, at ibang tao talaga siya kumpara noong naroon Ako. Bukod pa rito, sinumang nasa paligid niya ay nakaramdam na napigilan at na-bully, at hindi nangahas na magsabi ng anumang tungkol dito. Ano ang pinakamalaking problema rito? Kinuha niya itong katiting na gawaing ginagawa niya, itong katiting na tungkuling ginagawa niya, at itinuring itong kapital na ipapakitang-gilas saan man siya magpunta. Sa anong antas niya ito ipinasikat? Tiningala, sinamba, at kinainggitan siya ng lahat. Sa wakas, sinabi nila, “Sobrang nagdusa ang lalaking ito para sa Diyos. Tingnan mo na lang ang pananalig na mayroon siya, at ang pagmamahal niya para sa Diyos! Hindi man lang tayo maihahalintulad sa isang hibla ng buhok sa ulo niya. Napakababa natin kumpara sa kanya!” Palagi siyang binabanggit ng mga tao, at iniisip ng mga taong hindi Ako makasalamuha na ang makasalamuha siya ay para na ring pakikisalamuha sa Akin. Sa bandang huli ay umabot na sa lebel na ito ang impluwensiya niya sa kaalaman, mga iniisip, at isipan ng mga tao. Para makarating sa puntong ito, may ilang bagay na siguro siyang nasabi at nagawa, hindi ba? Tiyak na hindi lang ilang salita ang ginamit niya para banggitin kung anong mga tungkulin ang nagawa niya, tiyak na nagsalita siya at tinalakay niya ang tungkol sa mga bagay na ito nang detalyado; higit pa rito, may mga sarili siyang motibo at mithiin, may sinabi siyang ilang bagay na maaaring mambuyo at maglihis sa mga tao, para sambahin siya ng mga tao, at nakamit niya ang layon niya sa huli. Ano ang tingin mo sa ganitong uri ng tao? Mabuti para sa kanya ang magawa niya ang tungkulin niya sa tabi Ko, para man sa pagkatuto niya kung paano umasal o sa pagkakamit ng katotohanan. Isa iyong oportunidad para maaga siyang magawang perpekto. Sa kasamaang-palad, hindi niya pinahalagahan ang oportunidad na ito. Hindi niya nakita kung gaano kapresyoso at kahalaga sa buhay ang oportunidad na ito, o na isa itong landas, pundasyon, at mapagkukunan para makamit ang katotohanan at matamo ang kaalaman tungkol sa Diyos. Sa halip, ginamit niya ang oportunidad na ito para makamit ang sarili niyang layon na mangibabaw sa karamihan at makuha ang loob ng mga tao. Nagdulot iyon ng problema; maling landas ang nilalakaran niya. Sabihin mo sa Akin, dahil sadya niya talagang ipinapakalat kung gaano siya nagdusa, kung paano siya ginabayan ng Diyos, at kung paano siya tinrato ng Diyos, at kung paano siya pinagkatiwalaan ng Diyos, nagawa ba niyang makilala na may personal na intensyon dito? (Oo.) Nagawa niya dapat. Hindi ito isang bagay na imposibleng makilala. Makikilala niya ito—kaya bakit hindi niya nagawang pigilin ang masasamang gawa niya? Dahil hindi niya minahal ang katotohanan; impluwensiya at katayuan lang ang gusto niya. Kapag nagpakita ng katiwalian ang isang taong nagmamahal talaga sa katotohanan, kapag nagpapatotoo siya kung paano siya nagdusa, pakiramdam niya ay mapanisi at mapagparatang siya sa kanyang sarili. Pakiramdam niya ay ubod siya ng sama para gawin iyon, mapanlaban sa Diyos, at na hindi na niya iyon dapat ulitin. Kapag gusto niya itong gawin ulit sa hinaharap, nagagawa niyang pigilan ang sarili niya at ihinto ang paggawa niya ng ganoong mga bagay. Medyo normal iyon. Pero sa ganoong mga panahon, kahit na sawayin siya ng kanyang konsensiya, hindi makontrol ng mga anticristo ang ambisyon at pagnanais nila, at kahit na pungusan sila, hindi nila tatanggapin ang katotohanan. Bakit lumalala at lumalaki ang kalikasan nila sa paraang hindi na maibabalik pa? (Dahil hindi nila minamahal ang katotohanan.) Sa kalikasan nila, hindi nila minamahal ang katotohanan. Kung gayon, ano ang minamahal nila? (Minamahal nila ang katayuan.) Ano ang madadala sa kanila ng katayuan? Sasambahin sila ng mga tao, igagalang, at kaiinggitan dahil dito. Sa huli, ang layon nila ay ang tamasahin ang parehong katayuan at pagtrato gaya ng sa Diyos, pati na rin ang karangalan, kaligayahan, at kagalakang dala ng katayuang ito sa kanila. Matapos mapakinggan ang lahat ng kasasabi Ko lang, hindi ba kayo nasusuklam? (Oo.) May iba pang ginawa ang taong iyon na mas kasuklam-suklam. Kalaunan, nagkasakit siya at bumalik sa bayan niya, at dahil doon, mas naramdaman niyang nararapat lang na tamasahin niya ang mga benepisyo ng katayuan. Sa tingin ninyo, paano siya kikilos habang nasa ilalim ng kontrol ng kaisipang ito? Hindi ba’t hihingin niyang bigyan siya ng mga tao ng mas higit pang, mas mabuting pagtrato? (Oo.) Bakit niya ito hiningi? Hindi ba niya naramdamang sobra na ito o hindi na makatwiran? Pakiramdam niya ay karapat-dapat siya para dito. Naisip niya, “Nagdusa ako nang labis para sa diyos, at para sa aking mga kapatid. May karapatan ako para dito; nagkasakit ako dahil labis akong nagdusa, kaya dapat akong pagserbisyuhan ng aking mga kapatid.” Habang may sakit siya, hindi siya gumawa ng anuman; nakahiga lang siya sa kama maghapon, ginagawang asikasuhin siya ng iba at pakainin siya. Matapos niyang mahiga roon nang napakatagal, nagsimula na siyang mainip, kaya nagpapahatid siya ng pagkain at inumin sa mga tao at nagpapasama siyang lumabas para mawala ang pagkainip niya. Medyo kasuklam-suklam ito, hindi ba? Kung tunay ngang ganoon kalubha ang sakit niya, hindi sana ito naging isang malaking usapin; kung hindi talaga iyon ganoon kalubha, tiyak na labis na walang katwiran ang pag-uugali niya, hindi ba?
May ilang taong tila talagang masigla sa pananampalataya nila sa Diyos. Gustong-gusto nilang mag-asikaso at magmalasakit sa mga aktibidad ng iglesia, at palagi silang nangunguna. Gayumpaman, sa hindi inaasahan, nadidismaya nila ang lahat sa sandaling maging mga lider na sila. Hindi sila tumutuon sa paglutas sa mga praktikal na problema ng hinirang na mga tao ng Diyos, sa halip ay ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila upang kumilos para sa kapakanan ng sarili nilang reputasyon at katayuan. Gustong-gusto nilang magpasikat para igalang sila ng iba, at palagi nilang kinukuwento kung paano nila ginugugol ang sarili nila at paano sila nagpapakasakit para sa Diyos, pero hindi nila inilalaan ang mga pagsisikap nila sa paghahanap sa katotohanan at sa buhay pagpasok nila. Hindi ito ang inaasahan sa kanila ng sinuman. Kahit na nagpapakaabala sila sa gawain nila, nagpapasikat sa bawat okasyon, nangangaral ng ilang salita at doktrina, nakakamit ang paggalang at pagsamba ng ilang tao, inililihis ang puso ng mga tao, at pinatatatag ang katayuan nila, ano ang resulta nito sa huli? Kung gumagamit man ang mga taong ito ng maliliit na pabor para suhulan ang iba, o nagpapakitang-gilas ng kanilang mga kaloob at abilidad, o gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan para ilihis ang mga tao at sa pamamagitan noon ay matamo ang kanilang magandang opinyon, anumang pamamaraan ang gamitin nila para makuha ang loob ng mga tao at magkaroon ng puwang sa puso ng mga ito, ano ang nawala sa kanila? Nawala sa kanila ang oportunidad na makamit ang katotohanan habang ginagawa ang mga tungkulin ng isang lider. Gayundin, dahil sa iba’t ibang pagpapamalas nila, naipon nang naipon ang masasama nilang gawa na magdadala ng kanilang pangwakas na kalalabasan. Gumagamit man sila ng maliliit na pabor para manuhol at manlinlang ng mga tao, o nagpapasikat ng kanilang mga sarili, o nagpapakitang-tao para ilihis ang mga tao, at gaano man karaming benepisyo at gaano man kalaking kasiyahan ang tila nakukuha nila sa paggawa nito sa panlabas, kung titingnan ito ngayon, tama ba ang landas na ito? Ito ba ang landas ng paghahanap sa katotohanan? Isa ba itong landas na makapagdadala ng kaligtasan sa isang tao? Malinaw na hindi ito. Gaano man katalino ang mga pamamaraan at pandarayang ito, hindi maloloko ng mga ito ang Diyos, at ang lahat ng ito sa huli ay kokondenahin at kasusuklaman ng Diyos, dahil nakatago sa likod ng ganoong mga pag-uugali ay ang ambisyon ng tao at isang saloobin at diwa ng pagsalungat sa Diyos. Sa puso ng Diyos, talagang hindi Niya kailanman kikilalanin ang mga taong ito bilang mga taong gumagawa ng kanilang mga tungkulin, at sa halip ay tutukuyin Niya ang mga ito bilang mga taong gumagawa ng masama. Anong hatol ang ipinapataw ng Diyos kapag hinaharap ang mga taong gumagawa ng masama? “Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.” Kapag sinabi ng Diyos, “Magsilayo kayo sa Akin,” saan Niya gustong pumunta ang ganoong mga tao? Ipinapasa Niya ang mga ito kay Satanas, sa mga lugar na kinasasakupan ng mga pulutong ng mga Satanas. Ano ang pangwakas na kahihinatnan para sa kanila? Pahihirapan sila ng masasamang espiritu hanggang sa mamatay sila, na ang ibig sabihin ay lalamunin sila ni Satanas. Hindi gusto ng Diyos ang mga taong ito, na nangangahulugang hindi Niya ililigtas ang mga ito, hindi sila mga tupa ng Diyos, lalong hindi mga tagasunod Niya, kaya hindi nabibilang ang mga ito sa mga taong ililigtas Niya. Ganito inilalarawan ng Diyos ang mga taong ito. Kaya, ano talaga ang kalikasan ng pagtatangkang kunin ang loob ng mga tao? Ito ay paglakad sa landas ng isang anticristo; pag-uugali at diwa ito ng isang anticristo. Higit pang malubha rito ay ang diwa ng pakikipagtagisan laban sa Diyos para sa hinirang na mga tao Niya; mga kaaway ng Diyos ang ganoong mga tao. Ganito inilalarawan at ikinakategorya ang mga anticristo, at ganap na tumpak ang lahat ng ito.
Enero 22, 2019