Ikatlong Aytem: Inihihiwalay at Binabatikos Nila ang mga Naghahanap ng Katotohanan
Ang ikatlong pamamaraan na ginagamit ng mga anticristo para kontrolin ang mga tao: Inihihiwalay at binabatikos nila ang mga naghahanap ng katotohanan. May ilang mga taong mahal ang mga positibong bagay, ang katarungan at liwanag, at ang pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan. Madalas nilang nilalapitan ang mga kapatid na naghahanap at naghahangad sa katotohanan upang makabahaginan ang mga ito. Ikinaiinit ng ulo ng mga anticristo na makita ito. Para sa kanila, ang lahat ng naghahangad sa katotohanan ay parang karayom sa kanilang mata, isang tinik sa kanilang lalamunan; binabatikos, inihihiwalay, at sinasaktan nila ang lahat ng naghahangad ng katotohanan. Siyempre, hindi lamang babatikusin ng mga anticristo ang mga taong ito gamit ang mga brutal at malulupit na taktika na halata naman kaya makikita ng mga tao. Gagayahin nila ang estilo ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan, at gamit ang ilang salita at doktrina, huhusgahan nila ang mga tao at aatakihin ang mga ito. Iniisip tuloy ng mga tao na akma at makatwiran ang ginagawa nila, na tumutulong sila—na walang mali sa ginagawa nila. Ano ba itong mga “akma at makatwirang” pamamaraan nila? (Ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para husgahan ang mga tao at atakihin sila.) Tama—ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para ilantad ang mga tao at husgahan sila. Iyon ang kanilang pinakakaraniwang pamamaraan. Sa panlabas, tila patas, makatwiran, at talagang akma ang ganitong paraan ng pananalita, pero sa loob, hindi nila intensyong tumulong sa iba para sa makinabang ang mga ito, pero para ilantad, husgahan, kondenahin, at insultuhin ang mga ito. Iyon talaga ang gusto nilang maisakatuparan. Kaya ang problema ay kung saan sila nagsisimula. Ang mga taong alisto ay nakikitang ginagawa nila ito dahil ang mga taong iyon ay naghahanap ng at minamahal ang katotohanan, at sila ay may idinudulot na banta sa mga anticristo. At ano ang bantang iyon? Sa anong paraan mahahadlangan ng kanilang pagmamahal sa katotohanan ang mga anticristo? (Nahahalata at nakikilatis nila sila.) Tama. Ang pinakamalaking banta na idinudulot ng mga nagmamahal sa katotohanan sa isang anticristo ay nakikilatis nila ang anumang masamang ginagawa ng anticristo, kahit ano pa ito; nakikilala nila ang diwa nito at malamang na ilalantad, isusumbong, at ibubunyag nila ito kahit saan at kahit kailan, at pagkatapos ay kokondenahin at itatakwil ito, at aalisin ito mula sa iglesia. Kung mangyayari iyon, mawawala ang katayuan at kapangyarihan nito magpakailanman, at ang pag-asa nitong pagpalain ay ganap nang mawawasak. Kaya para sa isang anticristo, ang mga taong naghahangad sa katotohanan ang pinakamalaking banta bukod pa sa mga taong hindi sumasang-ayon.
Bukod pa sa mga paraang mukhang akma gaya ng paggamit ng pagbabahaginan sa mga salita ng Diyos para atakihin ang mga taong naghahangad sa katotohanan at para husgahan sila, gagawa pa ng matitinding hakbang ang mga anticristo laban sa kanila. Ano ang matitinding hakbang na iyon? Bilang halimbawa, gagamitin nila ang isang panandaliang pagsalangsang ng isang lider o manggagawa; hindi na mahalaga kung ano ba ang konteksto nito, kung may natutunan ba rito ang taong iyon at kung makapagsisisi ba siya, at kung siya ba ay isang taong naghahanap ng katotohanan; palalakihin nila ang sitwasyon para husgahan ang taong iyon at kondenahin siya, at paalisin siya. Nahinuha ng mga anticristo na para matanggal ang damo, dapat alisin ang ugat, kaya pinapaalis nila ang mga ganoong tao sa iglesia, nang sa gayon ay hindi magiging banta ang mga ito sa katayuan ng mga anticristo. Lahat ng masasamang tao at mga anticristo ay magaling sa pagsunggab sa mga bagay na magagamit laban sa mga lider at manggagawa, at kapag nagawa na nila iyon, kokondenahin nila ang mga taong iyon bilang mga huwad na lider at anticristo. Mabigat na paratang! Ang mga lider at manggagawa ay pinipili ng mga taong hinirang ng Diyos; bakit mo palaging susunggaban ang mga bagay na magagamit laban sa kanila? Ano ang iyong layunin sa pagkakaroon ng ganoong bentaha? Ito ba ay dahil nais mo silang palitan bilang lider? Sa oras na akusahan ng isang masamang tao ang isang lider o manggagawa ng pagkakasala na pagiging isang huwad na lider at anticristo, kung makapagbibigay siya ng mga halimbawa at makukumbinsi niya ang mga taong hinirang ng Diyos na tumutugma ito sa mga katunayan, magdudulot ito ng problema. Ang lider o manggagawang iyon ay madaling mapapaalis sa iglesia. Ang pagiging isang huwad na lider o anticristo ay isang napakabigat na pagkakasala, na kapag napatunayan ang pagkakasala, makokondena ang akusado, at ang kanyang pagiging mananampalataya ng Diyos ay matatapos na. Ikasisira niya iyon, hindi ba? Napakasama niyon! Bukod pa roon, kung pagkatapos niyon ay sasamantalahin ng anticristo ang pagkakataong iyon para mapili siya bilang lider at makontrol niya ang iglesia, hindi ba’t mapapasailalim sa kontrol ng anticristo ang mga taong hinirang ng Diyos? Hindi ba’t ang iglesiang iyon ay magiging kaharian ng anticristo? (Magiging ganoon nga.) Isa itong malaking panganib! May iba pa bang mga pamamaraan ang masasamang tao at mga anticristo para batikusin at ihiwalay ang mga naghahangad sa katotohanan? Hindi ba’t ipinapadala ng ilan sa kanila ang mga kapatid na naghahangad sa katotohanan para magtrabaho sa mga pinakamapanganib na lugar, para maagaw nila ang kapangyarihan at mapagtibay ang kanilang katayuan? Sinasabi nila, “May bagong tatag na iglesia na mayroong maraming kapatid na bago pa lang sa pananampalataya. Wala pa silang pundasyon at kulang sila sa karunungan. Kailangan nila ng taong nakakaunawa sa katotohanan para diligan at tustusan sila. Nauunawaan mo ang katotohanan ng mga pangitain; kailangan ng mga baguhang iyon ng katulad mo para diligan sila. Walang ibang makakagawa noon.” At dahil doon, napapaalis ng anticristo ang isang mabigat na natatagong banta. Totoo bang ginagawa niya ito para pamunuan at tustusan ng taong iyon ang nasabing iglesia? (Hindi.) Hindi; ginagawa niya iyon dahil mapanlaban at mapanganib na kapaligiran ang lugar na iyon. Inilalagay niya ang taong iyon sa isang mapanganib na lugar para gumawa ng gawain ng iglesia, dahil sa masidhi niyang pag-aasam na mahuhuli ito ng malaking pulang dragon. Kapag nahuli ang taong iyon, wala nang matitira para maging banta sa katayuan ng anticristo, at makokontrol na niya ang iglesia. Hindi ba’t taktika niya ito? Ipinapadala niya ang taong iyon sa kunwaring dahilan na naaangkop ito sa pagdidilig sa mga baguhan, kung kaya, walang nakakakita sa masasama niyang intensyon. Hindi ba’t ang tuso niya? At iniisip ng mga brother na matalino at marunong ang anticristo sa pagsasaayos niyon, na siya ay isang taong umaayon sa mga layunin ng Diyos, pero ang totoo ay nililinlang at niloloko lang sila ng anticristo. Ang pamamaraang ito ng anticristo ay mukhang lubos na patas; walang malinaw na nakakakita kung ano talaga ang nangyayari, at naliligaw ang lahat sa huli. Iniisip ng mga taong naligaw na patas at makatwiran ang ginagawa ng anticristo, na ginagawa niya ito alang-alang sa gawain—pero walang nakakahalata sa intensyon niya. Buktot ang mga anticristo, hindi ba? Kung saan mayroong panganib, doon ka nila papupuntahin, sinasabi sa kanilang sarili, “Hindi ba’t hinahangad mo ang katotohanan? At hindi ba’t kinakalaban mo ako? Hindi ba’t lagi mo akong kinikilatis at sinusunggaban mo ang mga bagay na magagamit laban sa akin? Sige, kung gayon: Gagamitin ko ang pagkakataong ito para mapaalis ka rito. Mabuti nang mahuli ka—hindi ka na ulit makakabangon!” Tiyak na karamihan sa mga taong nilalansi at inuusig ng mga anticristo sa iglesia ay iyong mga labis na naghahangad. Paano itinuturing ng mga anticristo ang mga taong ito habang inuusig at inihihiwalay ang mga ito? Sinasabi nila sa kanilang sarili, “Laging nakikinig sa mga sermon ang mga taong ito; nauunawaan nila ang ilang katotohanan. Hindi ko naman maaaring hindi sila hayaang makinig: Ginagawa ang mga sermon para marinig ng lahat, kaya walang paraan na mapangangatwiran na hindi sila hayaang makinig. Pero sabihin nating hinayaan ko silang makinig, dahil marami sa mga nababanggit sa mga sermong iyon ay naglalantad sa mga huwad na lider at anticristo, magiging ayos lang ba ako kung makarinig sila nang sapat, at magkaroon ng pag-unawa at pagkilatis? Kakailanganin kong magbitiw sa puwesto ko bilang lider kalaunan, hindi ba? Hindi pupuwede iyon. Kailangang ako ang gumawa ng unang hakbang.” Sa oras na magkaroon ng ganoong intensyon ang isang anticristo, sisimulan na niyang kumilos. Iilang tao lang ang makakatukoy sa isang anticristo kung hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Bakit kaya nalulusutan iyon ng mga anticristo, habang ang mga taong naghahanap ng katotohanan ay nagiging biktima? May isang dahilan na tiyak ay naroon: Ang mga taong iyon ay maaaring may kaunting pagmamahal sa puso nila para sa katotohanan at mga positibong bagay, at maaaring may kaunti silang mithiin na hangarin ang katotohanan, pero sobra lang silang duwag. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan, wala silang pagkilatis, at masyado silang hangal; hindi nila kayang kilalanin ang diwa ng isang anticristo, at hindi nila magawang ilantad ang anticristo, na nagbibigay-daan sa anticristo na gumawa ng unang hakbang at mapinsala sila sa pamamagitan nito. Kung iyon ang resultang makukuha nila o iyon ang magiging kalalabasan nila, paano iyon mangyayari? Hindi ba’t aatakihin sila ng mga anticristo? (Aatakihin sila.) Ano ang aral na dapat mapulot dito ng mga taong naghahangad sa katotohanan? Ano ang saloobing dapat taglayin ng mga tao pagdating sa kung paano tratuhin ang isang pinuno o manggagawa? Kung tama at alinsunod sa katotohanan ang ginagawa ng isang pinuno o manggagawa, maaari mo siyang sundin; kung mali at hindi alinsunod sa katotohanan ang ginagawa niya, hindi mo siya dapat sundin at maaari mo siyang ibunyag, salungatin at maaari kang maghayag ng ibang opinyon. Kung hindi siya nakakagawa ng aktuwal na gawain o gumagawa siya ng masasamang gawa na nagsasanhi ng kaguluhan sa gawain ng iglesia, at nabunyag na isang huwad na lider, isang huwad na manggagawa o isang anticristo, maaari mo siyang kilatisin, ilantad at iulat. Gayunman, hindi nauunawaan ng ilang taong hinirang ng Diyos ang katotohanan at lalo nang napakaduwag; natatakot silang masupil at mapahirapan ng mga huwad na lider at anticristo, kaya hindi sila nangangahas na itaguyod ang mga prinsipyo. Sinasabi nila, “Kung patatalsikin ako ng lider, tapos na ako; kung hihikayatin niyang ibunyag o talikuran ako ng lahat, hindi ko na magagawang maniwala sa Diyos. Kung patatalsikin ako sa iglesia, hindi ako gugustuhin at hindi ako ililigtas ng Diyos. At hindi ba’t mawawalan ng saysay ang aking pananampalataya?” Hindi ba katawa-tawa ang gayong pag-iisip? May tunay bang pananampalataya sa Diyos ang gayong mga tao? Kakatawanin ba ng isang huwad na lider o anticristo ang Diyos kapag pinatalsik ka niya? Kapag pinahirapan at pinatalsik ka ng isang huwad na lider o anticristo, kagagawan ito ni Satanas, at wala itong kinalaman sa Diyos; kapag inaalis o pinatatalsik ang mga tao mula sa iglesia, nakaayon lamang ito sa mga layunin ng Diyos kapag magkasamang nagdesisyon ang iglesia at ang lahat ng taong hinirang ng Diyos, at kapag ang pag-aalis o pagpapatalsik ay lubos na nakaayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo ng mga salita ng Diyos. Paanong ang mapatalsik ng isang huwad na lider o anticristo ay mangangahulugan na hindi ka maliligtas? Pag-uusig ito ni Satanas at ng anticristo, at hindi nangangahulugan na hindi ka maililigtas ng Diyos. Maliligtas ka man o hindi ay depende na sa Diyos. Walang taong kwalipikadong magdesisyon kung maaari ka bang iligtas ng Diyos. Dapat malinaw ito sa iyo. At para tratuhin ang pagpapatalsik sa iyo ng isang huwad na lider o anticristo bilang pagpapatalsik ng Diyos—hindi ba ito maling pag-unawa sa Diyos? Maling pag-unawa ito. At hindi lamang ito maling pag-unawa sa Diyos, kundi paghihimagsik din laban sa Diyos. Medyo paglapastangan din ito sa Diyos. At hindi ba’t kamangmangan at kahangalan ang maling pagkaunawa sa Diyos sa ganitong paraan? Kapag pinatalsik ka ng isang huwad na lider o anticristo, bakit hindi mo hanapin ang katotohanan? Bakit hindi ka maghanap ng isang taong nakauunawa sa katotohanan upang magkamit ka ng kaunting pagkakilala? At bakit hindi mo ito ipinaaalam sa mga nakatataas? Pinatutunayan nito na hindi ka naniniwalang naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos, ipinapakita nito na wala kang tunay na pananampalataya sa Diyos, na hindi ka isang taong tunay na naniniwala sa Diyos. Kung nagtitiwala ka sa pagkamakapangyarihan sa lahat ng Diyos, bakit ka natatakot sa pagganti ng isang huwad na lider o anticristo? Mapagpapasyahan ba niya ang iyong kapalaran? Kung may kakayahan kang makakilala, at natukoy mong salungat ang kanilang mga ikinikilos sa katotohanan, bakit hindi ka makipagbahaginan sa mga taong hinirang ng Diyos na nakauunawa sa katotohanan? May bibig ka naman, kaya bakit hindi ka naglalakas-loob na magsalita? Bakit takot na takot ka sa isang huwad na lider o anticristo? Pinatutunayan nitong duwag ka, walang silbi, isang kampon ni Satanas. Kung hindi ka maglalakas-loob na ipaalam sa mga nakatataas kapag ikaw ay pinagbantaan ng isang huwad na lider o anticristo, ipinapakita nito na naigapos ka na ni Satanas at kaisa ka na nila ng damdamin; hindi ba’t pagsunod ito kay Satanas? Paano nabibilang ang ganitong tao sa mga taong hinirang ng Diyos? Siya ay patapon, ganoon lang kasimple. Lahat ng taong kaisa ng damdamin ng mga huwad na lider at mga anticristo ay hindi maaaring maging mabuti kailanman; sila ay mga taong gumagawa ng masama. Ang mga ganoong tao ay ipinanganak upang maging tauhan ng diyablo—sila ay mga kampon ni Satanas, at hindi na sila matutubos pa. Lahat ng hindi maglalakas-loob na isiwalat ang mga anticristo kapag nakita nila ang mga ito na gumagawa ng masama, na takot salungatin ang mga anticristo, na sumasanggalang at sumusunod pa nga sa mga ito—hindi ba’t mga hangal at ignoranteng tao sila? Kung ganap mong alam ang mga katotohanang prinsipyo pero nilalabag mo pa rin ang mga ito, at bumubuo ka pa nga ng alyansa at pangkat kasama ang masasamang tao at mga anticristo, hindi ba’t kumikilos ka bilang isang kasabwat at tauhan ni Satanas? Kaya hindi ba’t karapat-dapat kapag sa huli ay pinakitunguhan ka bilang isang masamang tao at kasabwat ng mga anticristo? Kung nananampalataya ka sa Diyos, pero sa halip na sumunod sa Diyos ay mas sinusunod mo ang mga anticristo, at kumikilos ka bilang isa sa kanilang mga tauhan o kasabwat, hindi ba’t hinuhukay mo ang sarili mong libingan, at gumagawa ka ng bagay na ikamamatay mo? Kung nananampalataya ka sa Diyos, pero sa halip na magpasakop sa Diyos ay bumibigay ka at sumisilong sa mga kaaway ng Diyos—sa mga anticristo—at ang kinalabasan ay minamanipula at inaabuso ka ng mga anticristong ito, ikaw ang may gawa nito sa iyong sarili. Hindi ba’t karapat-dapat ito sa iyo? Kung itinuturing mo ang anticristo bilang iyong panginoon, bilang iyong lider, bilang taong masasandalan, kung gayon ay naghahanap ka ng kanlungan kay Satanas, sumusunod ka kay Satanas, na nangangahulugang ikaw ay napariwara, at naligaw ng landas, at humantong sa puntong hindi ka na makakabalik sa dati. Ano ang saloobing dapat mong taglayin hinggil sa mga anticristo? Dapat mo silang isiwalat, at kalabanin. Kung iisa o dadalawa lang kayo at masyado kang mahina para harapin nang mag-isa ang mga anticristo, dapat kang makipagsanib-puwersa sa ilang taong nauunawaan ang katotohanan upang isumbong at isiwalat ang mga anticristong ito, at magpatuloy hanggang sa mapaalis sila. Narinig Ko na sa nakaraang dalawang taon, ang mga taong hinirang ng Diyos sa ilang kanayunan sa kalupaang Tsina ay nagkaisa na tanggalin sa puwesto ang mga huwad na lider at mga anticristo; ang ilang huwad na lider at anticristo ay pinuno pa nga ng mga grupong gumagawa ng desisyon, pero sa kabila nito, nagawa pa rin silang tanggalin ng mga taong hinirang ng Diyos. Ang mga taong hinirang ng Diyos ay hindi kinailangang maghintay ng pagsang-ayon mula sa Itaas; batay sa mga katotohanang prinsipyo, natukoy nila ang mga huwad na lider at mga anticristong ito—na hindi gumagawa ng tunay na gawain, at laging pinapahirapan ang mga kapatid, na umaakto nang magulo, at inaabala ang gawain ng sambahayan ng Diyos—at maagap na hinarap nila ang mga ito. Ang iba ay tinanggal mula sa mga grupong gumagawa ng desisyon, at ang ilan ay pinaalis sa iglesia—na napakabuti! Ipinapakita nito na ang mga taong hinirang ng Diyos ay nasa tamang landas na ng pananampalataya sa Diyos. May mga taong hinirang ng Diyos na nakakaunawa na sa katotohanan at ngayon ay nagtataglay na ng kaunting tayog, hindi na sila kinokontrol at niloloko ni Satanas, naglalakas-loob na silang tumindig at lumaban sa masasamang puwersa ni Satanas. Ipinapakita rin nito na hindi na nakakalamang ang mga puwersa ng mga huwad na lider at mga anticristo sa iglesia, kaya hindi na sila naglalakas-loob na maging garapal sa kanilang mga salita at kilos. Sa oras na magpahalata sila, may taong mangangasiwa, kikilatis, at magtatakwil sa kanila. Sa madaling salita, ang katayuan, reputasyon, at kapangyarihan ng tao ay walang dominanteng katayuan sa puso ng mga taong tunay na nakakaunawa sa katotohanan. Ang mga ganoong tao ay hindi naniniwala sa mga bagay na iyon. Kapag ang isang tao ay maagap na nakakapaghanap ng katotohanan at nakakapagbahaginan tungkol dito, at kapag nagsimula na siyang magtaya muli at magnilay sa landas na dapat lakaran ng mga taong nananampalataya sa Diyos at sa kung paano niya dapat tratuhin ang mga lider at manggagawa, at nagsimula na siyang mag-isip kung sino ang dapat sundin ng mga tao, kung aling mga pag-uugali ang taglay ng mga sumusunod sa tao at alin ang taglay ng mga sumusunod sa Diyos, at pagkatapos, sa pangangapa sa mga katotohanang ito at pagdanas ng mga ito sa loob ng ilang taon, kapag nagawa na niyang maunawaan ang ilang katotohanan at maging mapagkilatis, nang hindi niya ito namamalayan—nakakamit na siya ng kaunting tayog. Ang kakayahang mahanap ang katotohanan sa lahat ng bagay ay ang makapasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos.
Mabuting bagay at mabuting pangyayari para sa mga taong hinirang ng Diyos na magawang kilatisin at itakwil ang mga huwad na lider at anticristo. May mga lider na hindi nakakagawa ng tunay na gawain; puro mga panggagambala at panggugulo lamang ang idinudulot nila, na nagreresulta sa kawalan ng kapayapaan sa buhay ng iglesia. Hindi sila nakakasundo ng lahat ng kapatid, kaya sa huli, itinatakwil sila ng mga kapatid. Tama bang gawin nila ito? (Tama.) May ibang napipili bilang mga lider, at sa una, sinasabi ng mga kapatid, “Sila ang pinili natin, kaya kailangan nating makipagtulungan sa kanila sa kanilang gawain.” Kalaunan, lalabas na mali pala ang pagpili sa kanila: Masigasig sila sa kanilang pananampalataya sa Diyos, pero wala silang espirituwal na pang-unawa. Madali silang mabaluktot, at sila ay mapagmataas at mapagmagaling; hindi sila nakikipagtalakayan sa iba tungkol sa mga bagay, at wala silang ginagawang nakaayon sa mga prinsipyo, bagkus ay kumikilos lamang sila nang walang ingat. Ito ay humahantong sa mga paglabag sa seguridad; ang mga kapatid sa iglesia ay palaging naaaresto, at ang gawain ng iglesia ay nakakaranas ng mabibigat na pinsala. Hindi lamang hindi pinagninilayan ng lider ang kanyang sarili, binibigyang-katwiran pa niya ang sarili niya, ipinagtatanggol niya ang sarili niya, at umiiwas siya sa responsabilidad. Sa huli, pinagbibitiw siya ng pangkat mula sa kanyang puwesto. Sa tingin mo, hinarap ba nila ang sitwasyon nang tama? (Oo.) Oo talaga! At pagkapaalis nila sa taong iyon, agad silang naghahalal ng iba, at kalaunan, magiging malinaw sa lahat na mas mainam ang taong ito kaysa roon sa huwad na lider, na nagpapatunay na ang pangkat ay may pagkilatis na at umunlad na. Ito ang proseso ng pag-unlad sa buhay ng mga taong hinirang ng Diyos. Lubhang karaniwan ito. Sa tingin mo ba na kapag nakinig ang mga tao sa mga sermon sa loob ng maraming taon, lahat sila ay nagiging mapagkilatis, at tama ang pagpili nila sa bawat lider at manggagawa—na kung sino ang piliin nila, iyon ang hahawak ng puwesto? Ganoon ba iyon? (Hindi.) Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang mga katotohanang prinsipyo, ang pinagtutuunan nila ng pansin sa pagpili ng lider ay laging ang pagpili ng isang taong mautak, magaling makipag-usap, at may pambihirang talino. Magsisimula lang na magkaroon ng pagkilatis ang mga tao kapag lumitaw nang ang taong iyon ay isang huwad na lider o anticristo makalipas ang ilang panahong nakaupo siya sa kanyang puwesto; pagkatapos noon, hindi na sila ulit pipili ng ganoong tao. Kung gayon, sino nga ba ang dapat piliin kapag namimili ng mga lider at manggagawa? Walang nakatakdang mga tuntunin. Nakasalalay ito sa kung ang isang tao ay tamang tao ba at kung hinahangad ba niya ang katotohanan. Kaya, kung ang isang tao ay masama o isang anticristo, hindi mo siya dapat piliin, anumang uri siya ng tao. Kung pipiliin mo siya, ipapahamak mo lang ang sarili mo. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.)
Mabalik sa paksang pinag-uusapan lang natin, iyong pagbatikos at paghiwalay ng mga anticristo sa mga taong naghahanap ng katotohanan: Nasabi na natin ang maaaring sabihin tungkol doon, hindi ba? Paano inihihiwalay at binabatikos ng mga anticristo ang mga naghahanap ng katotohanan? Madalas silang gumagamit ng mga pamamaraang nakikita ng iba bilang makatwiran at akma, gumagamit pa nga sila ng mga debate tungkol sa katotohanan para makakuha ng bentaha, para batikusin, kondenahin, at iligaw ang ibang tao. Halimbawa, iniisip ng isang anticristo na kapag ang kapareha niya ay mga taong naghahanap ng katotohanan, maaari itong maging banta sa kanyang katayuan, kaya magbibigay ang anticristo ng matatayog na sermon at magtatalakay ng mga espirituwal na teorya para iligaw ang mga tao at pataasin ang tingin ng mga ito sa kanya. Sa ganoong paraan, puwede niyang maliitin at supilin ang kanyang mga kapareha at katrabaho, at iparamdam sa mga tao na bagamat ang mga kapareha ng kanilang lider ay mga taong naghahangad sa katotohanan, hindi sila kapantay ng kanilang lider pagdating sa kakayahan at abilidad. May mga tao pa ngang nagsasabing, “Matatayog ang mga sermon ng aming lider, at walang makakapantay roon.” Para sa isang anticristo, sukdulang kasiya-siya na marinig ang ganoong komento. Iniisip niya, “Kapareha kita, wala ka bang ilang katotohanang realidad? Bakit hindi ka makapagsalita nang mahusay at may kataasan gaya ko? Lubos ka nang napahiya ngayon. Wala kang abilidad, pero naglalakas-loob kang makipagkompetensiya sa akin!” Iyon ang iniisip ng anticristo. Ano ang mithiin ng anticristo? Sinusubukan niya ang lahat ng posibleng paraan para supilin at maliitin ang ibang tao, at para unahin ang kanyang sarili bago ang iba. Ganito tinatrato ng isang anticristo ang lahat ng taong naghahangad sa katotohanan o nagtatrabaho kasama niya. Anuman ang gawin ng isang anticristo, ito ay nakasentro sa sarili niyang kapangyarihan at katayuan, at ito ay para makamit niya ang paggalang at paghanga ng iba. Hindi niya hahayaang mahigitan siya ng kahit sino; ang sinumang mas mahusay sa kanya ay siguradong kanyang mamaliitin, ihihiwalay, at susupilin. Ang mga anticristo ay may mga motibo at mithiin sa likod ng lahat ng kaparaanang ginagamit nila laban sa yaong mga naghahangad ng katotohanan. Sa halip na hangaring pangalagaan ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ang layunin nila ay pangalagaan ang sarili nilang kapangyarihan at katayuan, gayundin ang kanilang posisyon at imahe sa puso ng mga taong hinirang ng Diyos. Ang mga pamamaraan at pag-uugali nila ay mga paggambala at panggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at mayroon ding mapanirang epekto ang mga ito sa buhay-iglesia. Hindi ba ito ang pinakakaraniwang pagpapamalas ng masasamang gawa ng isang anticristo? Dagdag pa sa masasamang gawang ito, gumagawa ang mga anticristo ng isang bagay na mas kasuklam-suklam pa, iyon ay na lagi nilang sinisikap na malaman kung paano magkakaroon ng bentahe sa mga naghahangad ng katotohanan. Halimbawa, kung nakipagtalik ang ilang tao sa hindi nila asawa o nakagawa sila ng kung anong iba pang paglabag, sinusunggaban ng mga anticristo ang mga ito bilang bentahe para maatake sila, humahanap ng mga pagkakataon para insultuhin, ilantad, at siraan sila, bansagan sila para pahinain ang kasigasigan nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin upang maging negatibo ang pakiramdam nila. Isinasanhi rin ng mga anticristo na magkaroon ng diskriminasyon ang mga taong hinirang ng Diyos laban sa kanila, iwasan sila, at itakwil sila, nang sa gayon ay mahiwalay ang mga naghahangad ng katotohanan. Sa huli, kapag ang lahat ng naghahangad ng katotohanan ay naging negatibo at mahina na ang pakiramdam, hindi na aktibong ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at ayaw nang dumalo sa mga pagtitipon, natupad na ang layon ng mga anticristo. Dahil ang mga naghahangad sa katotohanan ay hindi na banta sa kanilang katayuan at kapangyarihan, at wala nang nangangahas na iulat o ilantad sila, maaari nang mapanatag ang mga anticristo. Ang mga pinakakinamumuhian ng isang anticristo sa iglesia ay ang mga taong naghahangad sa katotohanan, lalo na iyong mga may pagpapahalaga sa katarungan na maglalakas-loob na magsiwalat at magsumbong ng huwad na lider at anticristo. Itinuturing ng isang anticristo ang mga ganoong tao bilang karayom sa kanyang mga mata, bilang tinik sa kanyang dibdib. Kung may makita siyang tao na naghahangad sa katotohanan at gumaganap sa tungkulin nito nang maluwag sa kalooban, umuusbong ang pagkainis at pagkamuhi sa kanyang puso, na wala ni katiting na pag-ibig. Hindi lang hindi tutulong at hindi susuporta ang isang anticristo sa mga taong naghahangad sa katotohanan, ano pa man ang kanilang paghihirap o gaano man sila kahina o kanegatibo—hindi niya ito palalampasin lang. Sa halip, patago niyang ikatutuwa ito. At kung may nagparatang o naglantad sa kanya, sasamantalahin niya ang pagkakataong saktan ang taong iyon kapag ito ay mahina, aakusahan niya ito ng lahat ng uri ng pagkakasala upang turuan ito ng leksyon, upang kondenahin ito, upang maipit ito, at sa huli, upang gawin itong napakanegatibo na hindi na nito magampanan pa ang tungkulin nito. Pagkatapos ay ipagmamalaki ng anticristo ang kanyang sarili at magsisimula siyang magalak sa kamalasan ng taong iyon. Sa ganitong uri ng bagay pinakamahusay ang mga anticristo; ang paghiwalay, pagbatikos, at pagkondena sa mga taong naghahangad sa katotohanan ang kanilang pinakamagaling na kadalubhasaan. Ano ang iniisip ng mga anticristo na nagbibigay sa kanila ng kakayahang gumawa ng gayong kasamaan? “Kung yaong mga naghahanap ng katotohanan ay madalas makinig sa mga sermon, maaari nilang mahalata ang mga kilos ko balang araw, at pagkatapos ay siguradong ilalantad at papalitan nila ako. Habang gumaganap sila sa kanilang mga tungkulin, nanganganib ang aking katayuan, karangalan, at reputasyon. Mas mainam na maunang umatake, maghanap ng mga pagkakataong magagamit para guluhin at kondenahin sila, at gawin silang negatibo, para mawala ang anumang pagnanais nilang gumanap sa kanilang mga tungkulin. Mag-uudyok din ako ng mga alitan sa pagitan ng mga lider at manggagawa at ng mga naghahangad sa katotohanan, para ang mga lider at manggagawa ay kamumuhian sila, lalayuan, at hindi na pahahalagahan o itataas ang kanilang ranggo. Sa gayong paraan, hindi na sila magkakaroon ng anumang pagnanais na hangarin ang katotohanan o gampanan ang kanilang mga tungkulin. Pinakamabuti kung mananatiling negatibo iyong mga naghahangad sa katotohanan.” Ito ang mithiing nais makamtan ng mga anticristo. Kapag ang isang anticristo o ang isang masamang tao ay nilalansi ka, kinokondena ka, at ipinapahiya ka sa kanyang panloloko, kaya mo bang makilatis ang nangyayari? Kaya mo bang mahalata ang mga panloloko ni Satanas? Dapat mong matutunang mangilatis: “Mukhang tama naman ang mga sinabi niya, pero bakit negatibo ang nadama ko pagkatapos? Bakit ayaw ko nang gawin ang tungkulin ko? Bakit mayroon akong mga agam-agam sa Diyos? May problema ba sa sinabi niya? Bakit nagkaroon ito ng negatibong epekto? Bakit pagkatapos nito ay nagkaroon ako ng mga maling pagkaunawa at mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at ayaw ko nang magpasakop? Bakit wala na ang dati kong sigla at kapasyahan na gugulin ang aking sarili para sa Diyos? At bigla na lang akong nagkaroon ng ilang agam-agam tungkol sa gawain ng Diyos—pakiramdam ko ay hindi na malinaw ang mga pangitain ko. Hindi ko alam kung para saan ang pagganap ko nang ganito sa aking tungkulin, at pakiramdam ko ay wala akong maipapakita pagkatapos ng ilang taon kong pananampalataya sa Diyos at ng mga paghihirap na dinanas ko. Mayroon nang kaunting kadiliman sa puso ko ngayon.” Medyo hindi normal iyan. Bakit hahantong sa ganoong mga kahihinatnan ang pakikinig sa mga salita na tila tama naman kung pakikinggan? Hindi mo ba nararamdaman na mayroong mali sa mga salita? Kung gayon, anong uri ng mga salita ang mga ito, na nagdudulot ng ganitong reaksyon sa loob mo kapag naririnig mo ang mga ito? Anong uri ng mga salita ang ginagawa kang walang tiwala sa Diyos kapag naririnig mo ang mga ito? Una sa lahat, isang bagay ang sigurado: Ang lahat ng salita ng mga anticristo ay mapanlihis; gaya ng ahas, inaakit nilang lahat ang mga tao na magkasala, at na lumayo sa Diyos at tanggihan Siya. Wala ni isang salita nila ang tumutustos sa mga tao o tumutulong sa mga ito. Saan nanggagaling ang kanilang mga salita? Mula sa diyablong si Satanas. Kayo ba ay nakakakilatis pagdating sa mga salitang ginagamit ng mga anticristo para batikusin at kondenahin ang mga naghahangad sa katotohanan? Ang tanging kinatatakutan ng mga anticristo ay ang paghahangad ng mga tao sa katotohanan. Natatakot silang magpasakop ang mga tao sa Diyos, na bumangon ang mga tao upang sundin ang Diyos at gampanan ang tungkulin ng mga nilikha; natatakot silang lumapit ang mga tao sa Diyos at hanapin ang katotohanan. Ito ang pinakakinatatakutan nila. Ito ay dahil sa sandaling tumapak sa landas ng paghahangad sa katotohanan ang mga taong hinirang ng Diyos, bumibilis ang kanilang paglago sa buhay, at kasabay nito, tumataas nang tumataas ang kanilang tayog—at kapag ang katotohanan ang naghahari sa puso ng mga tao at naging buhay nila ito, iyon na ang magiging huling araw ng mga anticristo: Haharapin nila ang mahatulan, mabunyag at matiwalag, at tuluyang maabandona. Ito ang dahilan kung bakit ang pinakakinamumuhian ng mga anticristo ay ang mga naghahangad sa katotohanan. Sa mata ng isang anticristo, ang mga naghahangad sa katotohanan ay mga kinamumuhiang kalaban, mga target ng kanilang mga pambabatikos at pamimilit, pati na rin ng kanilang pagkamuhi at pag-abandona, ng kanilang pagpapahamak at pang-aabuso, at, higit pa rito, sila ay mga target para ilihis. Walang paraan ang mga anticristo para ilihis, kontrolin, o bihagin ang puso ng mga taong naghahangad sa katotohanan, at hindi nila kayang basta-basta na lang ihiwalay at batikusin nang lantaran ang mga taong ito, kaya ang natitira na lamang para sa kanila ay magsabi ng totoo at magagandang bagay, gamit ang mga banayad na taktika para hilahin ang mga tao pababa sa antas nila. At kung ang mga taong iyon ay hindi sila sasamahan at hindi nila mapapakinabangan, gagamit sila ng lahat ng uri ng taktika na ubod ng sama para ihiwalay ang mga ito, para gawing negatibo at mahina ang mga ito, at para tanggalan pa ang mga ito ng pagnanais na gawin ang kanilang tungkulin—at sa huli, para iwan ng mga ito ang Diyos. Ito ang isa sa mga pangunahing masasamang gawa ng mga anticristo, at ito ang isa pang natatanging katangian ng kanilang kalikasang diwa. Anong katangian ng kanilang kalikasan iyan? Ang kanilang pagiging mapanlinlang, tuso, at masamang-loob. Upang makamtan ang kanilang ambisyon at hangarin na mamuno sa iglesia, palaging nanlilihis, nanghihiwalay, at nambabatikos sa mga naghahangad sa katotohanan ang mga anticristo. Ginagawa nila ito para makamit ang kanilang natatagong layunin, at gagawin nito ang lahat ng naghahangad sa katotohanan na maging negatibo at mahina, walang sigla sa kanilang pananampalataya, at may mga maling pagkakaunawa sa Diyos na napukaw sa kanila. Dahil sa sandaling umusbong sa mga taong ito ang mga maling pagkakaunawa sa Diyos at mga reklamo tungkol sa Kanya, hindi na nila hahangarin pa ang katotohanan, ni gagampanan ang kanilang tungkulin nang maluwag sa kalooban—kaya, lalayo sila sa Diyos. At ano ang ibig sabihin nito para sa isang anticristo? Una, ibig sabihin nito ay wala nang magiging banta sa kanyang posisyon; pangalawa, sa sandaling ang mga positibong taong ito ay maging pasibo at mahina at lumayo sa Diyos, malaya nang maghari ang anticristo sa iglesia para iligaw at limitahan ang mga tao, at kontrolin ang mga taong hinirang ng Diyos, para ang mga ito ay sumunod sa kanila, suportahan sila, at yumuko nang sunud-sunuran sa kanila. At sa gayon, natamo na ang hangarin ng anticristo. Sa paggawa nito, ginagampanan ba ng mga anticristo ang kanilang tungkulin? (Hindi.) Ano, kung gayon, ang pagkatao ng lahat ng kanilang ginagawa? (Gumagawa sila ng masama.) Ang “paggawa ng masama” ay isang medyo malawak na paraan para sabihin ito; sa partikular, nanggugulo at humahadlang sila sa mga tao, pinipigilan nila ang mga tao na tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan at pagliligtas ng Diyos. Kapag nakakakita ang anticristo ng isang taong naghahangad sa katotohanan, labis siyang nagagalit; kinamumuhian niya ito. Gaano kalalim ang pagkamuhing iyon? Kapag may nakita siyang naghahangad sa katotohanan at sumusunod kay Cristo, hindi sumusunod o sumasamba sa kanya at hindi nasa parehong landas niya, babatikusin, ihihiwalay, at susupilin niya ang taong iyon, gustong-gusto na mapaalis ito. Ganoon kalalim ang kanyang pagkamuhi. Bilang pagbubuod, batay sa mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, maaari nating matukoy na hindi nila ginagampanan ang tungkulin ng pamumuno, dahil hindi nila inaakay ang mga tao para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos o makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, at hindi nila dinidiligan o tinutustusan ang mga tao, para magawa silang makamit ang katotohanan. Sa halip, ginagambala at ginugulo nila ang buhay iglesia, nilalansag at winawasak ang gawain ng iglesia, at hinahadlangan ang mga tao sa landas ng paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng kaligtasan. Nais nilang iligaw ang mga taong hinirang ng Diyos at magdulot sa mga ito na mawalan ng pagkakataong mapagkalooban ng kaligtasan. Ito ang pangunahing hangarin na nais matupad ng mga anticristo sa paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia.
Paano dapat tratuhin ng mga taong hinirang ng Diyos ang mga anticristo? Dapat nilang kilatisin, ilantad, iulat, at itaboy ang mga ito. Saka lamang masisiguro ang pagsunod sa Diyos hanggang sa kahuli-hulihan at ang pagpasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Hindi mo mga lider ang mga anticristo, gaano pa man nila iniligaw ang iba na piliin sila bilang mga lider. Huwag mo silang kilalanin, at huwag mong tanggapin ang kanilang pamumuno—dapat mo silang kilatisin at itaboy, dahil hindi ka nila matutulungang maunawaan ang katotohanan, ni hindi ka nila masusuportahan o matutustusan. Ito ang mga katunayan. Kung hindi ka nila maaakay sa katotohanang realidad, hindi sila angkop na maging mga lider o manggagawa. Kung hindi ka nila maaakay na maunawaan ang katotohanan at maranasan ang gawain ng Diyos, sila ang mga lumalaban sa Diyos at dapat mo silang kilatisin, ilantad, at itaboy. Ang lahat ng ginagawa nila ay para iligaw ka na sundin sila, at para isama ka sa kanilang grupo para pahinain at guluhin ang gawain ng iglesia, para magawa kang tahakin ang landas ng mga anticristo, gaya nila. Nais ka nilang dalhin sa impiyerno! Kung hindi mo makita kung ano talaga sila, at naniniwala kang dahil sila ang mga lider mo ay dapat mo silang sundin at pagbigyan, isa kang taong kapwa nagkakanulo sa katotohanan at sa Diyos—at ang ganoong mga tao ay hindi maliligtas. Kung nais mong maligtas, hindi mo lamang dapat mapagtagumpayan ang paghadlang ng malaking pulang dragon, at hindi mo lamang dapat makilatis ang malaking pulang dragon, na makita ang nakakakilabot nitong mukha at ganap na maghimagsik laban dito—dapat mo ring mapagtagumpayan ang paghadlang ng mga anticristo. Sa iglesia, ang isang anticristo ay hindi lamang kaaway ng Diyos, kundi kaaway rin ng mga taong hinirang ng Diyos. Kung hindi mo makilatis ang isang anticristo, malamang na maililihis at makukumbinsi ka, tatahak sa landas ng isang anticristo, at isusumpa at parurusahan ng Diyos. Kung mangyari iyon, ganap na nabigo ang iyong pananampalataya sa Diyos. Ano ang dapat taglayin ng mga tao para mapagkalooban ng kaligtasan? Una, dapat maunawaan nila ang maraming katotohanan, at magawang makilatis ang diwa, disposisyon, at landas ng isang anticristo. Ito ang tanging paraan para matiyak na hindi mga tao ang sasambahin o susundan habang nananalig sa Diyos, at ang tanging paraan para makasunod sa Diyos hanggang sa huli. Ang mga tao lamang na kayang kumilatis ng isang anticristo ang maaaring tunay na manalig, sumunod, at magpatotoo sa Diyos. Pagkatapos ay sasabihin ng ilan, “Ano ang gagawin ko kung sa kasalukuyan ay hindi ko taglay ang katotohanan para riyan?” Dapat mong sangkapan agad ng katotohanan ang sarili mo; dapat mong matutunang kilatisin ang mga tao at bagay-bagay. Ang pagkilatis sa isang anticristo ay hindi simpleng bagay, at nangangailangan ng kakayahang makita nang malinaw ang kaniyang diwa, at mahalata ang mga pakana, panlalansi, layunin, at mithiin sa likod ng lahat ng kanyang ginagawa. Sa gayong paraan ay hindi ka niya maililihis o makokontrol, at makakaya mong manindigan, ligtas at siguradong hangarin ang katotohanan, at maging matatag sa landas ng paghahangad ng katotohanan at pagtatamo ng kaligtasan. Kung hindi mo mapagtagumpayan ang paghadlang ng isang anticristo, maaaring sabihin na nasa malaking panganib ka, at malamang na mailihis at mabihag ka ng isang anticristo at madala ka na mamuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Posible na may ilan sa inyo na humahadlang at tumitisod sa mga taong naghahangad sa katotohanan, at sila ay mga kaaway ng mga taong iyon. Tinatanggap ba ninyo ito? May ilang hindi nangangahas na harapin ang katunayang ito, ni nangangahas na tanggapin ito bilang katunayan. Pero ang panlilihis ng mga anticristo sa mga tao ay talagang nangyayari sa mga iglesia, at madalas itong nangyayari; hindi lamang ito makilatis ng mga tao. Kung hindi mo malalagpasan ang pagsubok na ito—ang pagsubok ng mga anticristo, ikaw ay inililihis at kinokontrol ng mga anticristo o pinagdurusa, pinahihirapan, tinutulak palabas, pinipigilan, at inaabuso nila. Sa huli, hindi makakatagal ang maliit mong buhay, at malalanta; hindi ka na magkakaroon ng pananampalataya sa Diyos, at sasabihin mo, “Ni hindi nga matuwid ang Diyos! Nasaan ba ang Diyos? Walang katarungan o liwanag sa mundong ito, at walang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Mas mabuti pang gugulin natin ang ating mga araw na nagtatrabaho at kumikita ng pera!” Itinatatwa mo ang Diyos, lumalayo ka sa Diyos, at hindi na naniniwalang Siya’y nabubuhay; lubos nang nawala ang anumang pag-asa na makakamit mo ang kaligtasan. Kaya, kung nais mong makarating kung saan maaari kang mabigyan ng kaligtasan, ang unang pagsubok na kailangan mong maipasa ay ang magawang maramdaman at mahalata si Satanas, at dapat ay mayroon ka ring tapang na manindigan at ilantad at itakwil si Satanas. Nasaan, kung gayon, si Satanas? Si Satanas ay nasa iyong tabi at nasa palibot mo; maaari pa ngang namumuhay sa loob ng iyong puso. Kung nabubuhay ka na mayroong disposisyon ni Satanas, maaaring masabi na ikaw ay kay Satanas. Hindi mo makikita o mahahawakan ang Satanas at ang masasamang espiritu ng espirituwal na mundo, ngunit ang mga Satanas at ang mga nabubuhay na diyablo na umiiral sa totoong buhay ay nasa lahat ng dako. Ang sinumang tao na tutol sa katotohanan ay masama, at ang sinumang pinuno o manggagawa na hindi tumatanggap sa katotohanan ay isang anticristo o huwad na lider. Hindi ba’t ang gayong mga tao ay mga Satanas at nabubuhay na diyablo? Maaaring ang mga gayong tao mismo ang sinasamba at hinahangaan mo; maaaring sila ang mga taong namumuno sa iyo o mga taong matagal mo nang hinahangaan, pinagkakatiwalaan, inaasahan, at inaasam sa iyong puso. Sa totoo lang, gayunpaman, sila ay mga hadlang sa iyong landas at pumipigil sa iyong hangarin ang katotohanan at tamuhin ang kaligtasan; sila ay mga huwad na lider at anticristo. Maaari nilang kontrolin ang iyong buhay at ang landas na iyong nilalakaran, at maaari nilang sirain ang pagkakataon mong mabigyan ng kaligtasan. Kung mabibigo kang makilatis at mahalata sila, anumang sandali ay maaari kang mailihis at mabihag. Kaya ikaw ay nasa malaking panganib. Kung hindi mo mailayo ang iyong sarili sa panganib na ito, ikaw ay biktimang isasakripisyo ni Satanas. Ano’t anuman, ang mga taong naililihis at nakokontrol, at nagiging mga tagasunod ng isang anticristo ay hindi magtatamo ng kaligtasan kailanman. Dahil hindi nila minamahal o hinahangad ang katotohanan, tiyak na ang magiging resulta ay maililihis sila at susunod sila sa isang anticristo.
Akala ng ibang tao ay mga tao silang naghahangad sa katotohanan at sinasabi nilang nakikilatis nila ang mga anticristo. Sobrang taas ng tingin nila sa kanilang sarili, hindi ba? Kapag may nakatagpo kang isang halatang anticristo, isa na ipinapakita ang kanyang mga pangil, may mahinang pagkatao at gumawa ng masasamang gawa, makikilala mo siya nang natural. Pero kapag may nakatagpo kang anticristo na mukhang banal, malumanay magsalita, at parang isang mabait na tao—isang anticristo na tumutugma sa mga kuru-kuro ng mga tao—matapang mo pa rin bang maipapahayag na kaya mo siyang makilala kung ano talaga siya? Maglalakas-loob ka bang bansagan siya na isang anticristo? Kung hindi mo siya kayang kilatisin, siguradong hahangaan mo siya at magiging mabait ka sa kanya, at sa gayon ay siguradong makakaimpluwensiya sa iyo ang kanyang pag-uugali, ang kanyang mga opinyon at pananaw, ang kanyang mga kilos—maging ang kanyang pagkaunawa sa katotohanan. Gaano kalalim makakaimpluwensiya sa iyo ang mga bagay na ito? Maiinggit ka sa anticristo, gagayahin siya, tutularan siya, susundan siya, na makakaapekto sa iyong buhay pagpasok; maaapektuhan nito ang iyong paghahangad sa katotohanan at pagpasok sa realidad, maaapektuhan nito ang saloobin mo sa Diyos, at maaapektuhan nito kung tunay ka bang magpapasakop at susunod sa Diyos hanggang wakas o hindi. Sa huli, ang anticristo ang magiging diyus-diyosan mo, magkakaroon siya ng lugar sa puso mo, at hindi mo siya matatakasan. Kapag nailihis ka na nang ganito kalala, mayroon ka na lamang katiting na pag-asang maligtas, dahil ang iyong relasyon sa Diyos ay nawasak na, nawala na ang normal na relasyon mo sa Diyos, at ikaw ay nasa bingit ng panganib. At ito ba ay isang sakuna o isang pagpapala para sa iyo? Siyempre isa itong sakuna; tiyak na hindi ito isang pagpapala. Kahit na, sa maliliit na bagay, ay may ilang anticristo na makakatulong sa iyo, at magiging kapaki-pakinabang sa iyo, o kung hindi naman ay makakapangaral ng mga salita at doktrinang magbibigay—liwanag sa iyo, sa sandaling nailihis ka nila, sinamba mo sila, at sinundan sila, nasa panganib ka. Idinulot mo ang pagkawasak ng iyong sarili, at nawala ang pagkakataon mong maligtas. Sinasabi ng iba, “Hindi siya si Satanas o isang masamang tao, mukha siyang espirituwal na tao, isang taong naghahangad sa katotohanan.” May katotohanan ba sa mga salitang ito? (Wala.) Bakit wala? Sa sinumang totoong naghahangad sa katotohanan, ang gabay, tulong, at pagtustos na ibinibigay niya sa iyo, o ang impluwensiya niya sa iyo o ang pakinabang sa iyo, ay nagdadala sa iyo sa Diyos para iyong hanapin ang Kanyang mga salita at ang katotohanan, at para lumapit ka sa Diyos at matutong sumandig sa Kanya at hanapin Siya, at mapapalapit nang mapapalapit ang relasyon mo sa Kanya. Sa kabaligtaran, ano ang kakalabasan kung mapapalapit nang mapapalapit ang relasyon mo sa anticristo, hanggang sa maging sunud-sunuran ka na sa kanya? Malilihis ka sa maling landas at magdadala ng kapahamakan sa iyong sarili. Kapag mayroon kang malapit na relasyon sa isang anticristo, napapalayo ang iyong relasyon sa Diyos. At ano ang kahihinatnan nito? Dadalhin ka ng anticristo sa harapan niya, at lalayo ka sa Diyos. Kung mayroon kang diyus-diyosan sa iyong puso, sa sandaling magsimula kang magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa mga salita at gawain ng Diyos, o kapag isiniwalat ng mga salita ng Diyos ang diyus-diyosan mo, agad kang maghihimagsik laban sa Diyos, at baka kalabanin at ipagkanulo mo pa nga ang Diyos; papanig ka sa iyong diyus-diyosan at kakalabanin ang Diyos. Madalas itong mangyari. Kapag ang ilang huwad na lider at anticristo ay pinalitan o pinatalsik, ang kanilang mga kasabwat at tauhan ay nagsisimulang ipagtanggol sila at magreklamo; may ilan pa ngang nagiging negatibo at tumitigil na sa pananampalataya sa Diyos. Karaniwan ito, hindi ba? At bakit tumitigil na sila sa pananampalataya? Sinasabi nila, “Ang aming lider ay pinalitan at pinatalsik, kaya anong pag-asa ang mayroon ako, na isang ordinaryong mananampalataya?” Hindi ba’t kalokohan ito? Ipinapahiwatig ng kanilang mga salita na sinusunod nila ang anticristo, na ganap na silang nailihis ng anticristo. At ano ang kinahinatnan ng kanilang pagkalihis? Ang anticristo ang naging diyus-diyosang sinasamba nila; naging parang ninuno nila ang anticristo: Paanong hindi sila aalis, kung pinatalsik ang kanilang ninuno? Sa anticristo lang sila nakikinig, at nasa ilalim sila ng buong kontrol ng anticristo. Iniisip nila na ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng anticristo ay tama, at dapat tanggapin at sundin bilang katotohanan, kaya hindi nila pinahihintulutan ang kahit sino sa sambahayan ng Diyos na isiwalat at kondenahin ang anticristo. Sa sandaling patalsikin ng sambahayan ng Diyos ang anticristo, ang mga sumusunod sa anticristo ang mismong aalis sa iglesia; “Ang puno ay natumba at ang mga unggoy ay naglipana,” wika nga nila. Ipinapakita ng ganoong mga bagay na ang mga anticristo at ang kanilang mga alagad ay mga lingkod ni Satanas, na dumating para gambalain at guluhin ang gawain ng Diyos. Sa sandaling sila ay maibunyag, mailantad, at maitaboy ng mga taong hinirang ng Diyos, matatapos ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Ang mga alagad ng mga anticristo ay may iisang malinaw na nakikitang katangian: Hindi sila nakikinig sa mga salita ninuman; ang mga anticristo lamang ang pinakikinggan nila. At kapag nailihis na sila ng mga anticristo, tumitigil na ang pakikinig nila sa mga salita ng Diyos, at ang anticristo lamang ang kinikilala nila bilang kanilang panginoon. Sa ganito, hindi ba’t nailihis na sila, hindi ba’t kinokontrol sila? Ang mga alagad lamang ng mga anticristo ang magtatanggol sa mga anticristo. Kapag inilantad at ibinunyag ang mga anticristo, ang mga taong sumusunod sa kanila ay nababalisa para sa kanila, umiiyak ang mga ito para sa kanila, nagrereklamo ang mga ito para sa kanila at sinusubukan ng mga itong ipagtanggol sila. Sa ganoong mga panahon nakalimutan nila ang Diyos, at hindi na sila nagdarasal sa Diyos o naghahanap sa katotohanan; ang tangi na lang nilang ginagawa ay ipagtanggol ang mga anticristo at pigain ang utak nila para sa mga ito; ni hindi na nga nila kinikilala ang Diyos. Nananampalataya ba talaga sila sa Diyos? Kanino ba sila totoong nananampalataya? Malinaw na malinaw na ito. Kahit ano pa ang sabihin o gawin nila, iisa lamang ang hangad ng mga anticristo: Ito ay ang pamunuan ang mga tao, maging panginoon ng mga ito, at gusto nilang sundan at sundin sila ng lahat na parang mga alipin, at sa huli ay tratuhin sila ng mga ito bilang Diyos. Paano ito naiiba sa landas na tinahak ni Pablo? Nang matapos ang gawain ni Pablo, sinabi niya ang mga salitang nasa kanyang puso; sinabi ni Pablo na para sa kanya ang mabuhay ay si Cristo, at ang layon niya sa pagsasabi nito ay para tularan siya ng lahat ng nanampalataya sa Diyos, sundan siya, at tratuhin siya bilang Diyos. Ito ang layon ni Pablo sa pagsasabi ng mga salitang ito, hindi ba? At kung aabot talaga ang gawain ng mga anticristo sa punto kung saan sinasamba at sinusunod sila ng mga tao, mawawalan na ng lugar ang Diyos sa puso ng mga taong ito; nasakop na ng mga anticristo ang kanilang puso. Ito ang kahihinatnan. Sinasabi mo na hindi ka nag-aalala na maililihis ka ng anticristo, na wala kang takot na sumunod sa isang anticristo, pero walang silbing sabihin ito. Ito ay isang magulong pahayag. Ito ay dahil kung hindi mo hinahangad ang katotohanan at lagi mong sinasamba at sinusunod ang mga tao, tatahakin mo ang landas ng mga anticristo nang hindi mo namamalayan. Ang pananalig sa Diyos nang maraming taon pero walang patotoong batay sa karanasan, at hindi lang ang hindi pagkakamit ng katotohanan at buhay, kundi ang pagiging isang tao pang kumokontra sa Diyos: ito ang pangunahing kahihinatnan ng pagsunod sa mga anticristo, at ito ay isang bagay na hindi mo matatanggal sa iyong sarili, ito ay isang katunayang hindi mababago. Tulad ito ng kapag hinawakan ng isang tao ang daloy ng kuryente: Siguradong makukuryente siya. Puwedeng sabihin ng ilan, “Hindi ako naniniwala riyan; hindi ako natatakot”—pero ito ba ay usapin ng kung pinaniniwalaan mo ito o kung natatakot ka? Hawakan mo ang daloy ng kuryente, at zap! Makukuryente ka. Hindi makakatulong ang hindi paniniwala rito. Ang hindi paniniwala rito ay kamangmangan; ito ay iresponsableng bagay na sabihin. Kaya, handa ka mang sumunod sa anticristo o hindi, kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, at ang iyong mga pagsisikap ay laging nakatutok sa katanyagan, pakinabang, at katayuan, tinatahak mo na ang landas ng mga anticristo. Ang kahihinatnang ito ay magpapakita nang paunti-unti, parang dumi na lumulutang papunta sa ibabaw. Hindi ito maiiwasan. Ang ginagawa ng mga anticristo ay akayin ang mga tao papunta sa harapan nila, ipinapatanggap sa mga ito ang kontrol at pagmamanipula nila, kaysa tanggapin ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, o magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Gusto ng mga anticristo na makuha ang tiwala ng mga tao, gusto nilang makamit ang mga ito, layon nilang makontrol ang lahat ng taong hinirang ng Diyos, makontrol ng mga kamay nila ang mga taong hinirang ng Diyos; mga ilegal na mangangalakal sila. At ano ang ginagamit ng mga anticristo para matupad ang layon nilang makontrol ang mga tao? Ginagamit nila ang espirituwal na doktrinang sinasamba ng mga tao, gumagamit sila ng mga teoryang mapanlinlang, sinasamantala nila ang tiwaling mentalidad ng mga tao ng teorya ng pagsamba para magpaliguy-ligoy at magpabango, para iligaw ang mga tao. Sa madaling salita, ang lahat ng kanilang sinasabi ay mga salita at doktrina lang, hungkag na teorya, mga bagay na mapanlinlang at labag sa katotohanan. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, talagang maililigaw sila; kahit papaano, may panahong maililigaw muna sila bago sila mahihimasmasan. Kapag nahimasmasan na sila ay malalantad na ang mga anticristo, kung kailan sila makakaramdam ng matinding pagsisisi. Matagal nang nawala ang gawain ng Banal na Espiritu sa mga taong sumusunod sa mga anticristo; ito ay dahil sinasamba nila ang mga diyus-diyosan sa kanilang puso, sinusundan ang mga tao, at itinataboy sila ng Diyos, at isinantabi na Niya sila para ibunyag sila. Kaya napakamapanganib na sumunod sa mga anticristo; gaya ng mga anticristo, ang mga taong sumusunod sa mga anticristo ang pinaka-kinasusuklaman ng Diyos. At ano ang layon ng Diyos sa pagsasantabi ng mga taong ito? Ito ay para hintayin ang mga taong hinirang ng Diyos na mahimasmasan, para magawang matukoy at mailantad ang mga anticristo, at para lubusang matanggihan ang mga anticristong ito, na sa panahong ito ay dumating na ang mga huling araw ng mga anticristo. Hindi ba nakakasama sa mga tao ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo? Hindi nila hinahangad ang katotohanan at sinusubukan nilang iligaw at kontrolin ang mga taong hinirang ng Diyos, hindi nila hinahayaang hangarin ng mga tao ang katotohanan, hindi sila nagpapasakop sa gawain ng Diyos, at sinusubukan nilang iligaw ang mga taong hinirang ng Diyos para sumunod ang mga ito sa kanila—ang lahat ng ito ay nagpapakita na ang mga anticristo ay walang anumang pusong may takot at nagpapasakop sa Diyos at pagmamahal para sa katotohanan. Sa halip, nag-iisip sila ng kahit anong paraang kaya nila para magtamo sila ng katayuan at kapangyarihan para kalabanin ang Diyos at makipagkumpitensya sa Diyos para sa Kanyang mga hinirang, at sa huli ay gumagawa sila ng sarili nilang kaharian bilang paglaban sa Diyos—ang lahat ng ito ay nagpapakita na ang mga anticristo ang mga mortal na kaaway ng Diyos na nagkatawang-tao, at ang mga layon mismo ng pagwasak ng Diyos. Wala nang mas mapanganib pa sa pananampalataya ng mga tao sa Diyos kaysa sa kapag sila ay nalihis at nakontrol ng mga anticristo. Kung nasimulan nang sundin ng mga tao ang mga anticristo, kung ganap na silang nasa panig ng mga anticristo, sila ay mga taong ipinagkanulo ang Diyos at kumakalaban sa Diyos, na sa ganoong kaso ay alam na natin ang kalalabasan nila.
Iyon na halos lahat ang mapagbabahaginan tungkol sa kung paano inihihiwalay at binabatikos ng mga anticristo ang mga taong naghahangad sa katotohanan. Ang kanilang layon at intensyon sa paghiwalay at pagbatikos sa mga taong naghahangad sa katotohanan, at ang saloobin, mga pamamaraan, at mga teknik kung papaano nila tinatrato ang mga taong naghahangad sa katotohanan, pati na rin ang mga pagkilos nila sa mga anticristo na dapat taglay ng mga taong naghahangad sa katotohanan—pinagbahaginan na natin nang kaunti ang bawat isa sa mga ito, pero hindi pa nang masinsinan. Ang pagbabahaginan sa hinaharap ay puwedeng tumalakay sa katotohanan sa mga bahaging ito ayon sa naaangkop sa mga partikular na pangyayari at partikular na kaso. Kapag nakikipagbahaginan sa ganoong mga partikular na paksa, anong saloobin ang dapat taglay ng mga tagapakinig ng sermon? Dapat silang tumutok, tumahimik sa harap ng Diyos, at huwag magambala, dahil ang bawat aspekto ng katotohanan ay may mga partikular na pahayag at depinisyon, at ang bawat isa ay may partikular na nilalaman at mga prinsipyo ng pagsasagawa. Dagdag pa rito, magsasalita tayo mula sa iba’t ibang anggulo at sa iba’t ibang paraan ng mga konseptuwal na bagay na kinapapalooban ng katotohanan sa loob ng bawat bahagi ng paksa, pati na rin ang mga katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao at ang landas kung saan sila dapat magsagawa. Ang lahat ng ito ay dapat pinagbabahaginan at pinag-iisipan hanggang sa puntong maging malinaw ito bago ito magbubunga ng mga resulta. Makikita natin, sa pamamagitan ng ating kasalukuyang detalyadong pagbabahaginan, na ang mga katotohanang prinsipyo na nakapaloob sa paggawa ng tungkulin ng isang tao ay hindi kasing simple ng inaakala ng mga tao. Ang pag-unawa sa katotohanan ay mahirap talaga para sa mga taong walang kakayahang makaarok. Ang pag-unawa sa katotohanan, tulad ng pag-aaral sa pamantasan, ay may kaakibat na kaunting antas ng paghihirap, pero hindi mararamdaman ng isang tao na ito ay mahirap kung mayroon siyang kakayahang makaarok. Basta’t kaya ng isang tao na maunawaan ang katotohanan pagkatapos niya itong marinig, natural na magkakaroon siya ng landas para isagawa ito, at habang mas lalo siyang nagsasanay na isagawa ang katotohanan, mas lumalawak ang landas niya ng pagsasagawa nito, at magkakaroon siya ng mas tumpak na pagkaarok sa mga prinsipyo. Sa kabilang banda, kung hindi ka nakikinig sa ganoon kadetalyadong pagbabahaginan at mga pangkalahatan at konseptuwal na bagay lamang ang nauunawaan mo, hindi ka makakakilos nang malaya pagdating sa pagsasagawa. Kapag hinahanap mo ang mga katotohanang prinsipyo, magmumukhang mali ang bawat daan na tatahakin mo, at mararamdaman mong hindi mo maarok nang tumpak ang mga ito, kahit ano pa ang gawin mo. Pero ngayon, dahil sa ganitong mga kongkretong depinisyon at detalye, kapag ang saklaw ay napaliit na at ang katotohanan ay ginawang partikular, mas magiging malaya ka kapag sinimulan mo ulit isagawa ang katotohanan. Halimbawa, sabihin nating hiniling Ko sa iyo na bumili ka ng kuwaderno. Kung ibinigay Ko lamang sa iyo ang ganoong mga pangunahing hinihingi gaya ng laki, kapal, at presyo nito, puwedeng kailanganin mong magsikap para maarok ang mga prinsipyong ito at maisagawa ang mga ito. Pero kung sinabi Ko sa iyo ang mga bagay gaya ng mismong kulay, laki, bilang ng mga pahina, tiyak na ayos, at kalidad ng papel ng kuwaderno—sa pagsasabi Ko ng mga detalyeng ito, hindi ba’t magiging mas kongkreto ang mga prinsipyong maaarok mo? At kung naging mas partikular pa ako, at binigyan Kita ng isang pirasong papel at sinabi Ko sa iyo na bumili ka ng kuwaderno na pareho ang kalidad ng papel, kapal, kulay, at laki at dami ng grid, o kung nagbigay Ako ng mga detalye sa mga pagpapahintulot sa bawat katangian, kapag bibilhin mo na ito, hindi ba’t mababawasan ang dami ng pagpipilian? (Oo.) Hindi ba’t mas magiging kongkreto at simple para sa iyo ang mga nauukol na prinsipyo kapag nagsagawa ka na? Makakatulong ba ito o magpapahirap sa iyong pagsasagawa? (Dapat makakatulong ito.) Dapat itong makatulong, sa katunayan, dahil ang iba’t ibang aspekto ng katotohanan ay naisaad nang mas kongkreto at nang mas detalyado, hanggang sa mga detalye ng kung papaano dapat tratuhin ang mga partikular na usapin, ang mga partikular na pagpapamalas, at ang mga detalye ng kung paano magsagawa—ang lahat ng ito ay inilahad nang komprehensibo sa iyo. Kung hindi mo pa rin ito maisasagawa, wala kang anumang kakayahan na maarok ang katotohanan.
Kung may kakayahan kayo ngayon na maarok ang katotohanan ay mahalaga sa kung makakamit ba ninyo ang katotohanan at magagawa kayong perpekto. Ngayon, nagawa Ko nang hatiin sa anim na uri ang mga katotohanang may kaugnayan sa sapat na pagganap ng tungkulin, ayon sa tauhan na gumagawa ng bawat tungkulin; ang bawat isa sa mga uring iyon ay hinahati pa sa mga partikular na kategorya, at sa bawat kategorya ay may mas maliliit na kategorya ng detalyadong pagbabahaginan. Sa kaso ninyo, ang ganitong uri ba ng pangangaral at ang pagbabahaginan sa ganoong mga katotohanan ay nag-aakay sa inyo sa mas mabuting pagkaunawa ng katotohanan at nagbibigay sa inyo ng mas maraming prinsipyong isasagawa, o ginagawa ba nitong mas mahirap na hanapin ang mga prinsipyo? (Mas marami kaming prinsipyo dahil dito.) Dapat kayong akayin nito sa mas malawak na pang-unawa, at dahil ganoon, makakatulong dapat sa inyo ang Aking detalyadong sermon. Dapat kayong bigyan nito ng higit na kalinawan, hindi ng higit na pagkalito. Nakadepende ito sa kung mayroon bang kakayahan ang isang tao na maarok ang katotohanan. Kung ang isang tao ay talagang isang tao na may mabuting kakayahan na may espirituwal na pang-unawa, mararamdaman niyang lalo siyang nalilinawan; kung ang isang tao ay may mahinang kakayahan at walang espirituwal na pang-unawa, lalo niya itong hindi mauunawaan, at mas lalo lang siyang malilito. Puwedeng sabihin ng iba, “Dati pakiramdam ko ay nakaunawa na ako nang kaunti, pero ngayon, habang mas marami akong naririnig, mas lalo akong nalilito, na para bang wala nang anumang laman sa kalooban ko. Ano ang nangyayari riyan?” Kung ang pag-uusap tungkol sa buhay pagpasok ay masyadong detalyado, mahirap para sa mga tao na maunawaan ito kung wala silang karanasan at mahina ang kanilang kakayahan. Habang mas detalyado ang pag-uusap, mas malamang na mahihirapan ang mga taong mahina ang kakayahan. Bakit malamang na mahihirapan sila? Maraming kondisyon dito. Ang isa ay dahil walang espirituwal na pang-unawa ang ganoong mga tao. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan—ibig sabihin, hindi nila nauunawaan kung ano ang katotohanan o kung ano ang partikular na kalagayan. Hindi nila nauunawaan ang mga bagay na ito. Ang kondisyong ito ay ang kawalan ng kakayahan na maarok ang katotohanan. Sa ganoong mga tao, mayroon lang iisang, huling paraan na dapat gawin: ang sabihin sa kanila kung ano mismo ang dapat nilang gawin kapag may nangyayari sa kanila, gaya ng pagpoprograma sa isang robot na gawin ang mga iniutos ayon sa kinakailangan. Sapat nang pasunurin lang sila sa mga patakaran. Ang paraang ito ay magbubunga ng mga resulta sa ganoong mga tao; wala nang iba pang paraan para sa kanila. Ginagamit Ko ang huling paraang ito ngayon, nagsasalita nang napakadetalyado, hanggang sa mga pinakakongkretong bagay—pababa hanggang sa mga pinakakongkretong bagay. Mayroong mga taong nagsasabi na hindi pa rin nila nauunawaan, kaya magpapatuloy Ako at sasabihin Ko sa kanila kung paano mismo tatratuhin at haharapin ang anumang mangyayari sa kanila. Pinapasunod Ko sila sa mga patakaran; ito lang ang magagawa Ko, dahil wala silang kakayahang maarok ang katotohanan. Hindi eksaktong magkakapareho ang kalagayan ng bawat isa, pero maliit lang ang mga pagkakaiba. Kung pagsasalitain ninyo Ako nang partikular at malinaw tungkol sa bawat isa sa kanila, paisa-isa, mahihirapan Akong makuha silang lahat, dahil masyadong marami sa inyo ang mahina ang kakayahan. Kakailanganin namin kayo na may espirituwal na pang-unawa at na nakakaarok ng katotohanan na gawin ang bahaging iyon ng gawain. Ayos na ang gawain Ko. Iyon lang ang puwedeng makalap; nagawa Ko na ang lahat ng Aking makakaya. Ang lahat ng nagawang gawain at ang lahat ng salitang sinabi ng Diyos na nagkatawang-tao ay mauunawaan at maaabot ng ordinaryong tao. Hanggang diyan lang ang puwedeng magawa sa mga taong may pag-iisip at mga reaksiyon ng normal na pagkatao. Tinatanong ng ilan, “Hindi ba gagawa ng mga himala ang Diyos?” Hindi gumagawa ng mga himala ang Diyos; ang lahat ng ito ay kailangang gawin sa tunay at praktikal na paraan. Tulad lang din ng gawain ng Diyos sa tatlong yugto: simula sa Kanyang pagpapahayag ng mga batas sa sangkatauhan upang pamunuan sila sa kanilang mga buhay, hanggang sa pagpapapako sa krus at paggawa ng gawain ng pagtubos, at mula roon papunta sa mga huling araw, kung saan ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay nagpapahayag ng lahat ng katotohanan na nagliligtas sa sangkatauhan—ang bawat yugto ay ginagawa sa tunay at praktikal na paraan, nagsasalita at gumagawa, nang kaharap ang tao. Walang mga himalang nakapaloob dito. Ang pinakamalaking himala ay na personal na nagsasalita at gumagawa ang Diyos mismo, at na anumang paraan ang gamitin Niya, sa huli ay gagawin Niyang ganap ang isang grupo ng mga tao at kakamtin Niya sila. Siguradong maisasakatuparan ito; kailangan lang ng panahon. Ito ang pinakamalaki sa mga tanda at kababalaghan, at hindi gagamit ang Diyos ng iba pang higit sa natural na paraan para isakatuparan ang katotohanan sa puso ng tao. Ngayong napagbahaginan na nang detalyado ang mga katotohanang ito, kung mayroon kang kakayahang makaarok at isa ka talagang taong naghahangad sa katotohanan, kung talagang makikinig ka at magsisikap nang kaunti, magiging imposible para sa iyo na hindi maunawaan ang katotohanan o ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. May ilang nagsasabi na minamahal nila ang katotohanan, pero pagkatapos makinig sa mga sermon sa loob ng napakaraming taon, bakit hindi pa rin nila ito nauunawaan? Mayroong dalawang posibilidad. Ang isa ay wala talaga silang espirituwal na pang-unawa, at hindi nila kayang maarok ang katotohanan; ang isa pa ay hindi talaga nila minamahal ang katotohanan, at hindi sila kailanman nagsumikap na hangarin ito. Ang mga ito ay dalawang posibleng kadahilanan. May ibang mga taong nagsasabing hindi nila nauunawaan ang katotohanan dahil hindi pa sila matagal na nananampalataya sa Diyos, at hindi pa nakapakinig sa maraming sermon, at wala pang gaanong karanasan. Isa pa itong dahilan. Pero, kung ikaw ay isang tao na nagmamahal talaga sa katotohanan, habang nadadagdagan ang mga taon ng pananalig mo sa Diyos, mas lalago ang pagkaunawa mo sa katotohanan, at mas lalago ang iyong espirituwal na tayog.
Sa pagbabahaginan sa kahit anong aspekto ng katotohanan, hindi sapat ang ilang salita para mailahad ito nang buo, sa paraang makakalutas ng mga problema. Sa mga tao sa kasalukuyan, ang mga paglalahat ay doktrina lang, teorya lang. Kaya, paano Ko magagawa na sa sandaling tanggapin ng mga tao ang isang bagay ay mauunawaan nila ito at magagawa nila itong mga prinsipyo ng kanilang pagsasagawa? Kailangan Kong magsalita nang mas tiyak at mas detalyado. Nagkukuwento man Ako ng istorya o nakikipagbahaginan sa katotohanan, o nagsasalita tungkol sa pagsasagawa, dapat na, sa kabuuan, ay maging mas detalyado at partikular ang mga ito. Ang partikular na pananalita ay kapaki-pakinabang sa inyo. Kaya, kailangan Kong laging pigain ang Aking utak para makapag-isip ng mga kuwento at halimbawa para sa inyo, para mas lalo ninyong maunawaan. Ginagawa Kong kongkreto ang lahat ng katotohanang ito sa bawat insidente, at isinasama Ko ang mga katotohanang ibinabahagi Ko sa bawat insidenteng isinasalaysay Ko, para magkaroon kayo ng larawan sa inyong isipan kung saan maikukumpara ninyo ang inyong mga sarili para makita ninyo kung kumilos na ba kayo sa ganoong paraan, o kung kikilos kayo tulad ng ganoong tao, o kung nakapag-isip na ba kayo sa ganoong paraan, o kung nakulong na ba kayo sa ganoong kalagayan. Habang nakikinig kayo sa mga katotohanang ito, ginagawa Ko ito para tuloy-tuloy kayong mayroong mapanlikhang larawan ng mga ito, na parang nakapaloob kayo rito. Ito ang dahilan kung bakit Ako nagkukuwento at nagbibigay ng mga halimbawa. May ilan na naiinip sa oras na marinig nilang magsimula ang isang kuwento. “Isa na namang kuwento? Ano ako, isang batang tatlong taong gulang?” Puwedeng hindi ka nga bata sa edad, pero sa landas ng pananalig sa Diyos at paghahangad sa katotohanan, puwedeng mas bata ka pa nga sa tatlong tatlong gulang—iyan ang katunayan ng usapin. Kaya, ang pagtrato sa inyo bilang wala pang tatlong taong gulang na mga bata ay hindi pang-iinsulto sa inyo, at hindi talaga ito kalabisan; sa nakikita Ko, ito ay labis na pagkalkula sa inyo. Kapag narinig ng isang tatlong taong gulang na bata na sabihin ng isang matanda na matalim ang gunting at hindi ito dapat hawakan, tatandaan niya ito bilang prinsipyo. Hindi niya ito hahawakan at hindi rin niya hahawakan ang mga kagamitan o patalim na kamukha nito. Alam niya na matalim ang lahat ng ito; alam niya na kailangan niyang makabisado ang prinsipyong ito. Kung gayon, kaya ba ng mga tao na makahanap ng mga prinsipyo sa isang bagay na sunud-sunod nilang naranasan nang ilang beses sa kanilang pagsasagawa? Ibig sabihin, kaya mo bang maunawaan ang mga layunin sa likod ng mga kilos ng Diyos, ang mga hinihingi Niya sa iyo, at ang mga hinihingi Niyang pamantayan sa isang bagay? Kung pagbabatayan ang talino ng isang normal na tao, dapat maunawaan mo ang mga bagay na ito. Kung gayon ano ang mga sitwasyon kung saan hindi ito nauunawaan ng mga tao, kahit ano pa ang sabihin Ko? Ang pangunahing dahilan kung bakit ito nangyayari ay, una, may kaugnayan sa maingay na kapaligirang tinitirhan ng mga tao, na may napakaraming maliit at mabigat na bagay na pamamahalaan kaya hindi naeengganyo ang mga tao na maingat na magdasal-magbasa ng salita ng Diyos; hindi nila pinagsusumikapan ang katotohanan. Ito ang isang aspekto ng dahilan; ang kabilang banda ay na ang pagkauhaw at pagmamahal ng mga tao para sa katotohanan ay napakaliit, na kung sampu ang perpektong grado, ang magiging grado ng kasalukuyang lawak ng inyong pagmamahal sa katotohanan ay nasa tatlo o nasa lima, sa pinakamataas. Kaya, ang mas malaking bahagi ng dahilan kung bakit hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at hindi nila ito nakamit sa huli ay dahil hindi sila nagsusumikap, at dahil na rin hindi nila ito isinasapuso, at sa puso nila, hindi talaga nila gaanong minamahal ang katotohanan. Hindi sapat ang pagmamahal ng mga tao sa katotohanan sa antas nito. Ito ay maliit na interes lang; hindi ito umaabot sa pagmamahal. Dahil lamang nagdusa ang mga tao ng napakaraming dagok at paghihirap sa mundo kaya hindi na sila makapagpatuloy pang mabuhay, at dahil nakita na nila na ginagawa ng Diyos ang pagliligtas at pagbabahagi ng katotohanan bawat araw, at ang kasaganaan ng lahat na Kanyang ibinibigay sa tao, kaya nararamdaman nilang ang Diyos ang mabuti, at ginugusto nilang basahin ang Kanyang mga salita at pagsikapan ang katotohanan. Iyan ang kaunting interes na mayroon sila. Ano ba ang mas binibigyan ng oras ng puso ng mga tao? Lahat sila ay nasasangkot sa maraming hindi mahalagang usapin, abala sa lahat ng uri ng isyu ng mga emosyonal na relasyon, mga ugnayang interpersonal, katayuan at banidad, at mga kalakaran sa lipunan. Mayroon pa ngang mga tao na mas gumugugol ng kanilang oras at lakas sa pagkain, damit, kasuotan, at mga kasiyahan ng laman. Sinasayang nila ang tunay na napakahahalagang araw sa mga bagay na ito, at niluluwalhati nila ito: “Gumugugol ako para sa Diyos!” Sa huli, sa dulo, lumilingon sila at nakikita nila na ang Diyos ay napakarami nang sinabi at napakatagal nang gumawa, pero hindi pa nila nakamit ang katotohanan. Hindi ito dahil hindi ito ipinagkaloob ng Diyos sa kanila, kundi dahil hindi nila tinanggap ang katotohanan sa kanilang puso, o pinagsikapan ang katotohanan, kahit na nakita nilang nakapakaraming katotohanan ang ipinapahayag ng Diyos. Iyon ang nagdulot para hindi nila makamit ang katotohanan at ang buhay sa napakaraming taon ng pananalig nila sa Diyos, at para itiwalag sila sa huli.
Enero 22, 2019